Tagalog: Tagalog Unlocked Literal Bible

Updated ? hours ago # views See on DCS Draft Material

Genesis

Chapter 1

1 Noong simula nilikha ng Diyos ang langit at ang lupa. 2 Ang lupa ay walang anyo at walang laman. Ang kadiliman ay nasa ibabaw ng kalaliman. Ang Espiritu ng Diyos ay kumikilos sa ibabaw ng katubigan. 3 Sinabi ng Diyos, ''Magkaroon ng liwanag" at nagkaroon ng liwanag. 4 Nakita ng Diyos na ang liwanag ay kaaya-aya. Hiniwalay niya ang liwanag mula sa kadiliman. 5 Tinawag ng Diyos ang liwanag na "araw," at ang kadiliman ay tinawag niyang "gabi". Naggabi at nag-umaga, ito ang unang araw. 6 Sinabi ng Diyos, "Magkaroon ng puwang sa pagitan ng mga tubig, at hayaang ihiwalay nito ang tubig mula sa tubig." 7 Ginawa ng Diyos ang puwang at hiniwalay niya ang tubig na nasa silong ng kalawakan mula sa tubig na nasa ibabaw ng kalawakan. At nagkagayon nga. 8 Tinawag ng Diyos ang puwang na "langit." Naggabi at nag-umaga, ito ang ikalawang araw. 9 Sinabi ng Diyos, "Hayaang ang katubigang nasa ilalim ng langit ay sama-samang magtipon sa isang lugar, at hayaang lumitaw ang tuyong lupain." At nagkagayon nga. 10 Tinawag ng Diyos ang tuyong lupain na "lupa" at ang natipong tubig ay tinawag niyang "dagat." Nakita niyang ito ay kaaya-aya. 11 Sinabi ng Diyos, "Hayaang tumubo ang halaman sa lupa: mga pananim na nagbibigay ng buto at mga namumungang punong kahoy na kung saan ang buto nito'y nasa loob ng kanyang bunga, ayon sa kanyang sariling uri." At nagkagayon nga. 12 Tinubuan ng halaman ang lupa, mga pananim na nagbibigay ng buto mula sa kanilang uri, at mga namumungang punong kahoy na taglay nito ang buto, mula sa kanilang uri. Nakita ng Diyos na ito ay kaaya-aya. 13 Naggabi at nag-umaga, ito ang ikatlong araw. 14 Sinabi ng Diyos, "Hayaang magkaroon ng mga liwanag sa langit upang ihiwalay ang araw mula sa gabi. At hayaan silang maging mga palatandaan, para sa mga panahon, para sa mga araw at sa mga taon. 15 Hayaan silang maging mga liwanag sa langit upang magbigay liwanag sa ibabaw ng mundo." At nagkagayon nga. 16 Ginawa ng Diyos ang dalawang malaking mga liwanag, ang mas malaking liwanag upang pamunuan ang araw, at ang mas maliit na liwanag upang pamunuan ang gabi. Ginawa rin niya ang mga bituin. 17 Inilagay sila ng Diyos sa langit upang magbigay liwanag sa ibabaw ng mundo, 18 upang pamunuan ang buong araw at ang buong gabi, at upang ihiwalay ang liwanag sa kadiliman. Nakita ng Diyos na ito ay kaaya-aya. 19 Naggabi at nag-umaga, ito ang ikaapat na araw. 20 Sinabi ng Diyos, "Hayaang mapuno ang katubigan ng lahat ng uri ng buhay na nilalang na ginawa ko, mapuno ang himpapawid ng mga ibong lumilipad sa ibabaw ng lupa. ” 21 Kaya’t nilikha ng Diyos ang malalaking nilalang na naninirahan sa dagat, gayon din ang bawat buhay na nilikha ayon sa kanyang uri, mga nilalang na kumikilos at nagkukumpol sa katubigan, at bawat mga ibong may pakpak ayon sa kanyang uri. Nakita ng Diyos na ito ay kaaya-aya. 22 Pinagpala sila ng Diyos, sinasabing, "Maging mabunga kayo at magpakarami, punuin niyo ang katubigan sa mga dagat. Hayaang dumami ang mga ibon sa mundo. 23 Naggabi at nag-umaga, ito ang ikalimang araw. 24 Sinabi ng Diyos, "Hayaang magdulot ang mundo ng buhay na mga nilalang, bawat isa ayon sa kanyang sariling uri, mga hayop, mga gumagapang na bagay, at mga mababangis na hayop ng mundo, bawat isa nito ayon sa kanyang sariling uri". Nagkagayon nga. 25 Ginawa ng Diyos ang mga mababangis na hayop sa mundo ayon sa kanilang uri, ang mga hayop ayon sa kanilang mga uri, at lahat ng bagay na gumagapang sa ibabaw ng lupa ayon sa kanyang uri. Nakita niya na ito ay kaaya-aya. 26 Sinabi ng Diyos, "Gawin natin ang tao ayon sa ating wangis, ayon sa ating larawan. Hayaan silang mamahala sa isda sa dagat, sa mga ibon sa langit, sa mga hayop, sa buong mundo, at sa lahat ng gumagapang na bagay na gumagapang sa mundo. 27 Nilikha ng Diyos ang tao ayon sa kanyang sariling wangis. Ayon sa kanyang wangis nilikha niya siya. Lalaki at babae nilikha niya sila. 28 Pinagpala sila ng Diyos at sinabihan silang, "Maging mabunga kayo, at magpakarami. Punuin niyo ang mundo, at supilin ito. Maging tagapamahala kayo sa isda sa dagat, sa mga ibon sa langit, at sa lahat ng buhay na bagay na kumikilos sa ibabaw ng mundo." 29 Sinabi ng Diyos, "Tingnan ninyo, ibinigay ko sa inyo ang bawat pananim na nagbibigay ng buto na nasa ibabaw ng buong mundo, at bawat punong-kahoy kasama ang bungang may buto sa loob nito. Sila ay magiging pagkain ninyo. 30 Sa bawa't hayop sa mundo, sa bawat ibon sa kalangitan, at sa lahat ng bagay na gumagapang sa ibabaw ng mundo, at sa bawat nilikhang may hininga ng buhay ibinigay ko ang bawat luntiang halaman para maging pagkain." At nagkagayon nga. 31 Nakita ng Diyos ang lahat ng bagay na kanyang ginawa. Pagmasdan, ito ay napakabuti. Naggabi at nag-umaga, ito ang ika anim araw.

Chapter 2

1 Kaya’t ang kalangitan at ang mundo ay natapos, at ang lahat ng buhay na mga bagay na pumuno sa kanila. 2 Sa ikapitong araw dumating ang Diyos sa pagtatapos ng gawain na kanyang ginawa, at siya ay nagpahinga sa ikapitong araw mula sa lahat niyang gawain. 3 Pinagpala ng Diyos ang ikapitong araw at ginawang banal ito, dahil doon siya nagpahinga mula sa lahat ng gawain na kanyang nagawa sa kanyang paglikha. 4 to ang mga kaganapan ukol sa kalangitan at sa mundo, nang sila ay nilikha, sa araw na ginawa ni Yahweh na Diyos ang lupa at ang kalangitan. 5 Wala pang halamang bukid ang nasa mundo, at wala pang pananim ng bukid ang tumutubo, sapagkat hindi pa dinulot ni Yahweh na Diyos na umulan sa ibabaw ng mundo, at walang taong bubungkal ng lupa. 6 Pero umakyat ang hamog mula sa mundo at diniligan ang buong ibabaw ng lupa. 7 Si Yahweh na Diyos ay ginawa ang tao mula sa alabok ng lupa, at hiningahan ang mga butas ng kanyang ilong ng hininga ng buhay, at ang tao ay naging buhay na nilalang. 8 Nagtanim si Yahweh na Diyos ng isang hardin pasilangan, sa Eden, at doon niya inilagay ang taong kanyang nilikha. 9 Mula sa lupa Pinatubo ni Yahweh na Diyos ang bawat punong kaaya-aya sa paningin at mabuti para sa pagkain. Kasama rito ang puno ng buhay na nasa gitna ng hardin, at ang puno ng kaalaman ng mabuti at masama. 10 Lumabas ang isang ilog sa Eden para diligan ang hardin. Mula roon ito ay nahati at naging apat na ilog. 11 Ang pangalan ng unang ilog ay Pishon. Iyon ang umaagos sa buong lupain ng Havila, kung saan mayroong ginto. 12 Ang ginto sa lupang iyon ay mabuti. Mayroon ding bedelio at ang batong onise. 13 Ang pangalan ng pangalawang ilog ay Gihon. Ang isang ito ay umaagos sa buong lupain ng Cush. 14 Ang pangalan ng pangatlong ilog ay Tigris, na umaagos sa silangan ng Asshur. Ang pang-apat na ilog ay ang Eufrates. 15 Kinuha ni Yahweh na Diyos ang lalaki at inilagay siya sa hardin ng Eden upang trabahuin at alagaan ito. 16 Inutusan ni Yahweh na Diyos ang lalaki, sinasabing, "Mula sa bawat puno sa hardin ay malaya kang makakakain. 17 Pero mula sa puno ng kaalaman ng mabuti at masama ay hindi ka maaaring kumain, sapagkat sa araw na kumain ka mula roon, ikaw ay tiyak na mamamatay." 18 Pagkatapos sinabi ni Yahweh na Diyos, "Hindi mabuti na ang lalaki ay nag-iisa. Gagawa ako ng katuwang na babagay para sa kanya." 19 Mula sa lupa ginawa ni Yahweh na Diyos ang bawat hayop sa bukid at bawat ibon sa langit. Pagkatapos dinala niya sila sa lalaki upang makita kung ano ang itatawag niya sa kanila. Anuman ang itinawag ng lalaki sa bawat buhay na nilikha, iyon ang kanyang pangalan. 20 Ang lalaki ay nagbigay ng mga pangalan para sa lahat ng mga hayop, sa lahat ng mga ibon sa langit, at sa bawat mabangis na hayop sa bukid. Pero para sa lalaki mismo ay walang nahanap na katuwang na babagay para sa kanya. 21 Dinulot ni Yahweh na Diyos na makatulog nang mahimbing ang lalaki, kaya nakatulog ang lalaki. Kumuha si Yahweh na Diyos ng isa sa kanyang mga tadyang at isinara ang laman kung saan niya kinuha ang tadyang. 22 Sa pamamagitan ng tadyang na kinuha ni Yahweh na Diyos mula sa lalaki, ginawa niya ang babae at dinala siya sa lalaki. 23 Sinabi ng lalaki, "Sa oras na ito, ito ang buto ng aking mga buto, at laman ng aking laman. Tatawagin siyang 'babae', dahil kinuha siya sa lalaki." 24 Kaya iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ang kanyang ina, makikipag-isa siya sa kanyang asawa, at sila ay magiging isang laman. 25 Kapwa sila hubad, ang lalaki at ang kanyang asawa, pero hindi sila nahihiya.

Chapter 3

1 Ngayon ang ahas ay higit na tuso kaysa sa anumang ibang mabangis na hayop sa bukid na ginawa ni Yahweh na Diyos. Sinabi niya sa babae, "Talaga bang sinabi ng Diyos, "Hindi kayo dapat kumain mula sa anumang puno ng hardin?" 2 Sinabi ng babae sa ahas, "Maaari naming kainin ang bunga mula sa mga puno ng hardin, 3 pero tungkol sa bunga ng puno na nasa gitna ng hardin, sinabi ng Diyos, "Hindi ninyo maaaring kainin ito, ni hindi ninyo ito maaaring hawakan, o mamamatay kayo.'" 4 Sinabi ng ahas sa babae, "Tiyak na hindi kayo mamamatay. 5 Dahil alam ng Diyos na sa araw na kainin ninyo ito mabubuksan ang inyong mga mata, at kayo ay magiging tulad ng Diyos, na nakaaalam ng mabuti at masama." 6 At nang nakita ng babae na ang puno ay mabuti para sa pagkain at kaaya-aya sa paningin, at ang puno ay kanais-nais para gawing matalino ang isang tao, kumuha siya ng bunga nito at kinain ito. At binigyan niya ang kanyang asawa na kasama niya, at kinain niya ito. 7 Parehong nabuksan ang kanilang mga mata, at nalaman nilang sila ay hubad. Pinagsama-sama nilang tinahi ang mga dahon ng igos at gumawa ng mga pantakip para sa kanilang mga sarili. 8 Narinig nila ang tunog ni Yahweh na Diyos na naglalakad sa hardin sa kalamigan ng araw, kaya ang lalaki at ang kanyang asawa ay nagtago mula sa presensya ni Yahweh na Diyos sa mga punong-kahoy ng hardin. 9 Tinawag ni Yahweh na Diyos ang lalaki at sinabi sa kanya, "Nasaan ka?" 10 Sinabi ng lalaki, "Narinig kita sa hardin, at natakot ako, dahil ako ay hubad. Kaya itinago ko ang aking sarili." 11 Sinabi ng Diyos, "Sinong nagsabi sa iyo na ikaw ay hubad? Kumain ka ba mula sa punong iniutos kong huwag mong kakainan?" 12 Sinabi ng lalaki, "Ang babae na ibinigay mo sa akin, binigyan niya ako ng bunga mula sa puno at kinain ko ito." 13 Sinabi ni Yahweh na Diyos sa babae, "Ano ba itong ginawa mo?" Sinabi ng babae, "Nilinlang ako ng ahas, at kumain ako." 14 Sinabi ni Yahweh na Diyos sa ahas, "Dahil ginawa mo ito, sumpain ka sa lahat ng mga hayop at sa lahat ng mababangis na hayop sa bukid. Gagapang ka sa pamamagitan ng iyong tiyan at alikabok ang iyong kakainin sa lahat ng araw ng iyong buhay. 15 Maglalagay ako ng poot sa pagitan mo at ng babae, at sa pagitan ng iyong binhi at ng kanyang binhi. Dudurugin niya ang iyong ulo, at tutuklawin mo ang kanyang sakong." 16 Sinabi niya sa babae, "Higit kong patitindihin ang sakit mo sa panganganak; sa sakit ka magsisilang ng mga anak. Ang iyong pagnanais ay para sa iyong asawa, subalit pamumunuan ka niya." 17 Sinabi niya kay Adan, "Dahil nakinig ka sa boses ng iyong asawa, at kumain mula sa puno, kung alin ay iniutos ko sa iyo, nang sinabi kong, "Hindi kayo maaaring kumain mula rito,' sinumpa ang lupa dahil sa iyo; sa matinding pagpapagal kakain ka mula rito sa lahat ng mga araw ng iyong buhay. 18 Ito ay tutubuan ng mga tinik at mga damo para sa iyo, at kakainin mo ang mga pananim sa bukid. 19 Kakain ka ng tinapay sa pamamagitan ng pawis ng iyong mukha, hanggang ikaw ay bumalik sa lupa, dahil kinuha ka mula rito. Dahil ikaw ay alikabok, at sa alikabok ka rin babalik." 20 Tinawag ng lalaki ang kanyang asawa sa pangalang Eva dahil siya ang ina ng lahat ng mga nabubuhay. 21 Gumawa si Yahweh na Diyos ng mga kasuotang balat para kay Adan at para sa kanyang asawa at dinamitan sila. 22 Sinabi ni Yahweh na Diyos, "Ngayon ang tao ay naging tulad na natin, na nakaaaalam ng mabuti at masama. Ngayon hindi siya dapat pahintulutang abutin ng kanyang kamay, at kumuha mula sa puno ng buhay at kumain nito, at mabuhay nang walang hanggan." 23 Kaya pinalabas sila ni Yahweh na Diyos mula sa hardin ng Eden, para bungkalin ang lupa kung saan siya kinuha. 24 Kaya pinalabas ng Diyos ang lalaki mula sa hardin, at nilagay niya ang querubin sa silangan ng hardin ng Eden, at isang nagliliyab na espada na umiikot sa bawat panig, upang bantayan ang daan patungo sa puno ng buhay.

Chapter 4

1 Ang lalaki ay sumiping sa kanyang asawang si Eva. Siya ay nabuntis at isinilang niya si Cain. Sinabi niya, "Nagkaroon ako ng lalaki sa tulong ni Yahweh." 2 Pagkatapos ay isinilang niya ang lalaking kapatid nitong si Abel. Naging pastol si Abel, pero si Cain ay nagbungkal ng lupa. 3 At nangyari na sa paglipas ng panahon dinala ni Cain ang ilan sa bunga ng lupa bilang handog kay Yahweh. 4 Si Abel naman ay nagdala ng ilan sa panganay ng kanyang kawan at ilan sa taba. Tinanggap ni Yahweh si Abel at ang kanyang handog, 5 pero hindi niya tinanggap si Cain at ang kanyang handog. Kaya lubhang nagalit si Cain, at sumimangot siya. 6 Sinabi ni Yahweh kay Cain, "Bakit ka nagagalit at bakit ka sumisimangot? 7 Kung gagawin mo ang tama, hindi ka ba tatanggapin? Pero kung hindi mo ginagawa ang tama, ang kasalanan ay nag-aabang sa pinto at ninanais na mamahala sa iyo, subalit dapat mo itong pamunuan." 8 Kinausap ni Cain si Abel na kanyang kapatid. At nangyari na habang sila ay nasa bukid, tumindig si Cain laban sa kanyang kapatid na si Abel at pinatay niya ito. 9 Pagkatapos sinabi ni Yahweh kay Cain, "Nasaan ang iyong kapatid na si Abel?" Sinabi niya, "Hindi ko alam. Tagapangalaga ba ako ng aking kapatid?" 10 Sinabi ni Yahweh, "Ano ang ginawa mo? Tumatawag sa akin ang dugo ng iyong kapatid mula sa lupa. 11 Ngayon isinumpa ka mula sa lupa, na nagbukas ng bunganga nito upang tanggapin ang dugo ng iyong kapatid mula sa iyong kamay. 12 Kapag ikaw ay magbubungkal ng lupa, mula ngayon hindi na nito isusuko sa iyo ang kanyang lakas. Magiging palaboy at pagala-gala ka sa mundo." 13 Sinabi ni Cain kay Yahweh, "Ang parusa ko ay higit kaysa sa aking makakaya. 14 Sa katunayan, itinaboy mo ako sa araw na ito mula sa lupang ito, at ako ay itatago mula sa iyong mukha. Magiging palaboy ako at pagala-gala sa mundo, at kung sinuman ang makasusumpong sa akin ay papatayin ako." 15 Sinabi ni Yahweh sa kanya, "Kung sinuman ang papatay kay Cain, makapitong beses siyang gagantihan." Kaya nilagyan ni Yahweh ng palatandaan si Cain upang sinumang makasumpong sa kanya, hindi siya lulusubin ng taong iyon. 16 Kaya umalis si Cain mula sa presensya ni Yahweh at nanirahan sa lupain ng Nod, sa silangan ng Eden. 17 Sinipingan ni Cain ang kanyang asawa at nabuntis ito. Isinilang niya si Enoc. Nagtatag siya ng isang lungsod at pinangalanan niya ito sunod sa kanyang anak na si Enoc. 18 Kay Enoc isinilang si Irad. Si Irad ang naging ama ni Mehujael. Si Mehujael ang naging ama ni Metusael. Si Metusael ang naging ama ni Lamec. 19 Si Lamec ay kumuha ng dalawang asawa para sa kanyang sarili: ang pangalan ng isa ay si Ada, at ang pangalan ng isa pa ay si Zilla. 20 Isinilang ni Ada si Jabal. Siya ay ama ng lahat ng nakatira sa mga tolda na may mga alagang hayop. 21 Ang pangalan ng kanyang kapatid na lalaki ay Jubal. Siya ang ama ng lahat ng mga manunugtog ng alpa at plauta. 22 Si Zilla naman, naging anak niya si Tubal Cain, ang nagpapanday ng mga kagamitang tanso at bakal. Ang babaeng kapatid ni Tubal Cain ay si Naama. 23 Sinabi ni Lamec sa kanyang dalawang asawa, "Ada at Zilla dinggin ninyo ang aking tinig; kayong mga asawa ni Lamec, makinig kayo sa sasabihin ko. Nakapatay ako ng isang tao dahil sinugatan ako, isang binata dahil sa pananakit sa akin. 24 Kung ipaghihiganti si Cain ng makapitong ulit, sa gayon si Lamec ay ipaghihiganti ng pitumpu't-pitong ulit." 25 Si Adan ay muling sumiping sa kanyang asawa, at siya ay nagkaanak ng isa pang anak na lalaki. Tinawag niya itong Set at sinabing, "Binigyan muli ako ng Diyos ng anak na lalaki kapalit ni Abel, dahil pinatay siya ni Cain." 26 Si Set ay nagkaroon ng anak na lalaki at tinawag niya itong Enos. Sa panahong iyon ang mga tao ay nagsimulang tumawag sa pangalan ni Yahweh.

Chapter 5

1 Ito ang talaan ng mga kaapu-apuhan ni Adan. Sa araw na nilikha ng Diyos ang sangkatauhan, ginawa niya sila ayon sa kanyang wangis. 2 Nilikha niya silang lalaki at babae. Pinagpala niya sila at pinangalanan silang sangkatauhan nang sila ay likhain. 3 Nang nabuhay si Adan ng 130 taon, siya ay naging ama ng isang anak na lalaki na ayon sa kanyang sariling wangis, sunod sa kanyang larawan, at pinangalanan niya itong Set. 4 Pagkatapos na si Adan ay naging ama ni Set, nabuhay siya ng walondaang taon. Siya ay naging ama ng higit na marami pang mga anak na lalaki at mga anak babae. 5 Nabuhay si Adan ng 930 taon, at pagkatapos siya ay namatay. 6 Nang nabuhay si Set ng 105 taon, siya ay naging ama ni Enos. 7 Pagkatapos na siya ay naging ama ni Enos, nabuhay siya ng 807 taon at naging ama ng mas marami pang mga anak na lalaki at mga anak na babae. 8 Nabuhay si Set ng 912 taon, at pagkatapos siya ay namatay. 9 Nang nabuhay si Enos ng siyamnapung taon, naging ama siya ni Kenan. 10 Pagkatapos na siya ay naging ama ni Kenan, si Enos ay nabuhay ng 815 taon. Siya ay naging ama ng mas marami pang mga anak na lalaki at mga anak na babae. 11 Nabuhay si Enos ng 905 taon, at pagkatapos siya ay namatay. 12 Nang nabuhay si Kenan ng pitumpung taon, siya ay naging ama ni Mahalalel. 13 Pagkatapos na siya ay naging ama ni Mahalalel, nabuhay si Kenan ng 840 taon. Siya ay naging ama ng mas marami pang mga anak na lalaki at mga anak na babae. 14 Nabuhay si Kenan ng 910 taon at pagkatapos siya ay namatay. 15 Nang nabuhay si Mahalalel ng animnapu't limang taon, siya ay naging ama ni Jared. 16 Pagkatapos na siya ay naging ama ni Jared, nabuhay si Mahalalel ng 830 taon. Siya ay naging ama ng mas marami pang mga anak na lalaki at mga anak na babae. 17 Nabuhay si Mahalalel ng 895 taon at pagkatapos siya ay namatay. 18 Nang nabuhay si Jared ng 162 taon, siya ay naging ama ni Enoc. 19 Pagkatapos niyang naging ama ni Enoc, nabuhay si Jared ng walong daang taon. Siya ay naging ama ng mas marami pang mga anak na lalaki at mga anak na babae. 20 Nabuhay si Jared ng 962 taon, at pagkatapos siya ay namatay. 21 Nang nabuhay si Enoc ng animnapu't limang taon, siya ay naging ama ni Metusalem. 22 Lumakad si Enoc na kasama ang Diyos sa tatlong daang taon pagkatapos na siya ay naging ama ni Metusalem. Siya ay naging ama ng mas marami pang mga anak na lalaki at mga anak na babae. 23 Nabuhay si Enoc ng 365 taon. 24 Lumakad si Enoc na kasama ang Diyos, at pagkatapos siya ay nawala, dahil kinuha siya ng Diyos. 25 Nang nabuhay si Metusalem ng 187 taon, siya ay naging ama ni Lamec. 26 Pagkatapos na siya ay naging ama ni Lamec, nabuhay si Metusalem ng 782 taon. Siya ay naging ama ng mas marami pang mga anak na lalaki at mga anak na babae. 27 Nabuhay si Metusalem ng 969 taon. Pagkatapos siya ay namatay. 28 Nang nabuhay si Lamec ng 182 taon, siya ay naging ama ng isang lalaki. 29 Tinawag niya siya sa pangalang Noe, sinabing, "Ang isang ito ang magbibigay kapahingahan sa atin mula sa ating trabaho at mula sa kapaguran ng ating mga kamay, na dapat nating gawin dahil sa lupang isinumpa ni Yahweh." 30 Nabuhay si Lamec ng 595 taon pagkatapos na siya ay naging ama ni Noe. Siya ay naging ama ng mas marami pang mga anak na lalaki at mga anak na babae. 31 Nabuhay si Lamec ng 777 taon. Pagkatapos siya ay namatay. 32 Matapos mabuhay ni Noe ng limandaang taon, siya ay naging ama nina Sem, Ham at Jafet.

Chapter 6

1 At nangyari na nang nagsimulang dumami ang sangkatauhan sa mundo at ang mga anak na babae ay isinilang sa kanila, 2 na nakita ng mga anak na lalaki ng Diyos na kaakit-akit ang mga anak na babae ng sangkatauhan. Kumuha sila ng mga asawa para sa kanilang sarili, kahit sino sa kanila na mapili nila. 3 Sinabi ni Yahweh, "Ang aking espiritu ay hindi mananatili sa sangkatauhan magpakailanman, sapagkat sila ay laman. Mabubuhay sila ng 120 taon." 4 Nasa mundo ang mga higante noong mga araw na iyon, at ganun din pagkatapos. Ito ay nangyari nang pinakasalan ng mga anak na lalaki ng Diyos ang mga anak na babae ng tao, at nagkaroon sila ng mga anak sa kanila. Ito ang mga malalakas na tao noong unang panahon, at mga lalaking kilala. 5 Nakita ni Yahweh ang labis na kasamaan ng sangkatauhan sa mundo, at ang bawat pagkahilig ng kanilang puso ay patuloy na kasamaan lamang. 6 Nalungkot si Yahweh na ginawa niya ang sangkatauhan sa mundo, at ito ay nagdulot ng dalamhati sa kanyang puso. 7 Kaya sinabi ni Yahweh, "Lilipulin ko ang sangkatauhang nilikha ko mula sa ibabaw ng mundo; kapwa ang sangkatauhan at ang higit na malalaking mga hayop, at gumagapang na mga bagay sa lupa at mga ibon sa kalangitan, dahil pinagsisihan kong ginawa ko sila." 8 Pero nakasumpong si Noe ng pagtatangi sa mata ni Yahweh. 9 Ito ang mga pangyayari patungkol kay Noe. Matuwid, at walang kapintasan si Noe sa gitna ng mga tao sa kanyang kapanahunan. Lumakad si Noe kasama ng Diyos. 10 Naging ama siya ng tatlong mga anak na lalaki: Sem, Ham at Jafet. 11 Ang mundo ay masama sa harapan ng Diyos, at ito'y puno ng karahasan. 12 Nakita ng Diyos ang mundo; masdan, ito ay masama, dahil lahat ng laman ay pinasama ang kanilang gawi sa ibabaw ng mundo. 13 Sinabi ng Diyos kay Noe, "Nakikita kong panahon na upang bigyang wakas ang lahat ng laman, sapagkat napuno na ng karahasan ang mundo sa pamamagitan nila. Katunayan, wawasakin ko sila kasama ng mundo. 14 Gumawa ka para sa iyong sarili ng arka mula sa kahoy ng saypres. Gumawa ka ng mga silid sa arka, takpan mo ito ng aspalto sa loob at labas. 15 Ganito mo ito gagawin: tatlong daang kubit ang haba ng arka, limampung kubit ang luwag nito, at tatlumpung kubit ang taas nito. 16 Gumawa ka ng bubong para sa arka, at tapusin mo ito sa isang kubit mula sa itaas ng tagiliran. Maglagay ka ng pinto sa gilid ng arka at gumawa ka ng ilalim, pangalawa, at pangatlong palapag. 17 Makinig ka, malapit ko nang ipadala ang baha ng mga tubig sa mundo, upang lipulin ang lahat ng laman na may hininga ng buhay dito mula sa silong ng langit. Lahat ng bagay na nasa mundo ay mamamatay. 18 Subalit itatatag ko ang aking tipan sa iyo. Papasok ka sa arka, ikaw, at ang iyong mga anak na lalaki, iyong asawa at mga asawa ng iyong mga anak. 19 Mula sa bawat nabubuhay na nilalang ng lahat ng laman, dalawa ng bawat uri ang dapat mong dalhin sa arka, upang mananatili silang buhay kasama mo, kapwa lalaki at babae. 20 Mga ibon ayon sa kanilang uri, at ang mga malalaking hayop ayon sa kanilang uri, bawat gumagapang na bagay sa lupa ayon sa kanyang uri, dalawa ng bawat uri ay pupunta sa iyo, upang panatilihin silang buhay. 21 Tipunin mo para sa sarili mo ang bawat uri ng pagkaing makakain at itabi ito, para maging pagkain para sa iyo at sa kanila." 22 Kaya ginawa ito ni Noe. Ginawa niya ito, ayon sa lahat ng inutos ng Diyos.

Chapter 7

1 Sinabi ni Yahweh kay Noe, "Halika, ikaw at lahat ng iyong sambahayan sa arka, sapagkat sa salinlahing ito nakita ko na ikaw ay matuwid sa aking harapan. 2 Sa bawat malinis na hayop magdala ka ng pitong lalaki at pitong babae. At sa mga hayop na hindi malinis, magdala ka ng dalawa, ang lalaki at kanyang kapares. 3 Gayundin ang mga ibon sa kalangitan, magdala ka ng pitong lalaki at pitong babae, upang mapanatili ang kanilang mga supling sa ibabaw ng buong mundo. 4 Pagkalipas ng pitong araw idudulot kong umulan sa mundo sa loob ng apatnapung araw at apatnapung gabi. Lilipulin ko mula sa ibabaw ng lupa ang bawat buhay na nilalang na aking ginawa." 5 Ginawa ni Noe ang lahat ng iniutos ni Yahweh sa kanya. 6 Si Noe ay anim na raang taong gulang nang dumating ang baha sa mundo. 7 Si Noe, ang kanyang mga anak na lalaki, ang kanyang asawa, at ang mga asawa ng kanyang mga anak na lalaki ay sama-samang pumasok sa arka dahil sa mga tubig ng baha. 8 Ang mga malinis at hindi malinis na mga hayop, mga ibon, at lahat ng mga gumagapang sa lupa, 9 dala-dalawa, lalaki at babae, ang pumunta kay Noe at pumasok sa arka, ayon sa iniutos ng Diyos kay Noe. 10 Nangyari na matapos ang pitong araw, dumating ang tubig ng baha sa mundo. 11 Sa ika-anim na raang taon ng buhay ni Noe, sa pangalawang buwan sa ikalabimpitong araw ng buwan, sa parehong araw, ang lahat ng mga bukal ng kailaliman ay sumambulat, at ang mga bintana ng langit ay nabuksan. 12 Nagsimulang umulan sa mundo sa loob ng apatnapung araw at apatnapung gabi. 13 Sa araw ding iyon si Noe at ang kanyang mga anak na lalaki, na sina Sem, Ham, at Jafet, at ang asawa ni Noe, at ang tatlong asawa ng kanyang mga anak na lalaki ay kasama niyang pumasok sa arka. 14 Pumasok sila kasama ang bawat mababangis na hayop ayon sa kanilang uri, at bawat klase ng alagang mga hayop ayon sa kanilang uri, at bawat gumagapang na bagay na gumagapang sa mundo ayon sa kanilang uri, at bawat klase ng ibon ayon sa kanilang uri, bawat uri ng nilikha na may mga pakpak. 15 Dalawa sa lahat ng laman na may hininga ng buhay ay pumunta kay Noe at pumasok sa arka. 16 Ang mga hayop na pumasok ay lalaki at babae ng lahat ng laman; pumasok sila gaya ng iniutos ng Diyos sa kanya. Pagkatapos isinara ni Yahweh ang pintuan sa likod nila. 17 Pagkatapos dumating ang baha sa mundo sa loob ng apatnapung araw, at tumaas ang tubig at binuhat ang arka. Umangat ito mula sa mundo. 18 Rumagasa ang tubig at lubhang tumaas sa mundo, at lumutang ang arka sa ibabaw ng tubig. 19 Ang tubig ay buong lakas na tumaas nang tumaas sa mundo. Tinakpan nilang tuluyan ang lahat ng matataas na mga bundok na nasa silong ng buong langit. 20 Tumaas ang mga tubig ng labinlimang kubit sa ibabaw ng mga tuktok ng mga bundok. 21 Namatay ang lahat ng mga nabubuhay na nilalang na gumagalaw sa ibabaw ng mundo: ang mga ibon, ang mga alagang hayop, ang mga mababangis na hayop, lahat ng nagkukumpol na mga nilikha na nagkumpol sa ibabaw ng mundo, at lahat ng sangkatauhan. 22 Lahat ng nilalang na may hininga nang espiritu ng buhay sa kanilang ilong, lahat ng nasa tuyong lupa, nangamatay. 23 Kaya bawat buhay na bagay na nasa ibabaw ng mundo ay nalipol, mula sa sangkatauhan hanggang sa malalaking mga hayop, mga gumagapang na mga bagay, at mga ibon sa himpapawid. Nawasak silang lahat mula sa mundo. Tanging si Noe at ang kanyang mga kasama sa arka ang natira. 24 Nangibabaw ang tubig sa mundo sa loob ng isandaan at limampung araw.

Chapter 8

1 Isinaalang-alang ng Diyos si Noe, lahat ng mga mababangis na hayop, at lahat ng alagang mga hayop na kasama niya sa arka. Ginawa ng Diyos na umihip ang isang hangin sa ibabaw ng mundo, at nagsimulang humupa ang tubig. 2 Ang mga bukal sa ilalim at ang mga bintana ng langit ay nagsara, at tumigil ang pag-ulan. 3 Ang mga tubig baha ay nagpatuloy na humupa mula sa mundo. At pagkalipas ng isandaan at limampung araw, ang tubig ay lubhang nabawasan. 4 Sumadsad ang arka sa ikapitong buwan, sa ikalabimpitong araw ng buwan, sa ibabaw ng mga bundok ng Ararat. 5 Ang tubig ay nagpatuloy na humupa hanggang sa ikasampung buwan. Sa unang araw ng buwan, ang mga tuktok ng mga bundok ay lumitaw. 6 At nangyari pagkaraan ng apatnapung araw na binuksan ni Noe ang bintana ng arka na kanyang ginawa. 7 Nagpalipad siya ng isang uwak at ito ay nagparoo't nagparito hanggang sa natuyo ang tubig mula sa mundo. 8 Pagkatapos ay nagpalipad siya ng isang kalapati upang tingnan kung ang tubig ay humupa na mula sa ibabaw ng lupa, 9 pero ang kalapati ay walang nakitang lugar upang ipahinga ang kanyang paa, at bumalik ito sa kanya sa arka, dahil natatakpan pa rin ng tubig ang buong mundo. Iniabot niya ng kanyang kamay, at kinuha at dinala niya ito kasama niya sa arka. 10 Naghintay siya ng pito pang mga araw at pinalipad niyang muli ang kalapati mula sa arka. 11 Bumalik ang kalapati sa kanya kinagabihan. Masdan! Sa kanyang bibig ay may sariwang pitas ng dahon ng olibo. Kaya nalaman ni Noe na ang tubig ay humupa mula sa mundo. 12 Naghintay siya ng pito pang araw, at pinalipad niyang muli ang kalapati. Hindi na ito muling bumalik sa kanya. 13 Nangyari na sa ika-anim na raan at isang taon, sa unang buwan, sa unang araw ng buwan, na natuyo na ang mga tubig mula sa mundo. Inalis ni Noe ang takip ng arka, tumingin sa labas, at masdan, nakita niya ang ibabaw ng lupa ay tuyo na. 14 Sa pangalawang buwan ng ikadalawampu't pitong araw ng buwan, ang mundo ay tuyo na. 15 Sinabi ng Diyos kay Noe, 16 "Lumabas ka sa arka, ikaw, ang iyong asawa, ang iyong mga anak na lalaki, at ang mga asawa ng iyong mga anak na lalaki. 17 Dalhin mo palabas ang bawat buhay na nilalang ng lahat ng laman na kasama mo, pati na ang mga ibon, ang mga alagang hayop, at ang bawat gumagapang na bagay na gumagapang sa ibabaw ng mundo, upang sila ay lumaganap sa buong mundo, maging mabunga, at magpakarami sa mundo." 18 Kaya lumabas si Noe kasama ang kanyang mga anak na lalaki, kanyang asawa, at mga asawa ng kanyang mga anak na lalaki na kasama niya. 19 Bawat buhay na nilikha, bawat gumagapang na bagay, at bawat ibon, lahat ng bagay na gumagalaw sa mundo, ayon sa kanilang mga pamilya, ay umalis sa arka. 20 Gumawa ng altar si Noe para kay Yahweh. Kumuha siya ng ilang malinis na hayop at ilang malinis na ibon, at naghandog ng handog na susunugin sa altar. 21 Naamoy ni Yahweh ang kaaya-ayang halimuyak at sinabi niya sa kanyang puso, "Hindi ko na muling susumpain ang lupa dahil sa sangkatauhan, kahit na ang ninanais ng kanilang mga puso ay masama mula sa pagkabata. Ni muli kong wawasakin ang lahat ng may buhay, tulad nang ginawa ko. 22 Habang ang mundo ay nananatili, ang panahon ng pagtatanim at pag-aani, lamig at init, tag-araw at tagginaw, at ang araw at gabi ay hindi hihinto."

Chapter 9

1 At pinagpala ng Diyos si Noe at ang kanyang mga anak na lalaki, at sinabi sa kanila, "Maging mabunga kayo, magpakarami, at punuin ang mundo. 2 Ang takot at ang sindak sa inyo ay mapupunta sa bawat nabubuhay na hayop sa mundo, sa bawat ibon sa langit, sa lahat ng bagay na nasa lupa, at sa lahat ng isda sa karagatan. Ibinigay ko ang mga ito sa inyong kamay. 3 Magiging pagkain para sa inyo ang bawat gumagalaw na bagay na nabubuhay. Tulad nang ibinigay ko sa inyo ang mga luntiang halaman, ngayon ibinigay ko na ang bawat bagay sa inyo. 4 Subalit hindi ninyo dapat kainin ang karneng may buhay pa—iyon ay ang dugo nito—na narito. 5 Subalit para sa iyong dugo, ang buhay na nasa iyong dugo, hihingin ko ang kabayaran. Mula sa kamay ng bawat hayop hihingin ko ito. Mula sa kamay ng sinumang tao, iyon ay, mula sa kamay na pumatay ng kanyang kapatid, aking hihingin ang pagsusulit sa buhay ng taong ito. 6 Sinuman ang magpapadanak ng dugo ng tao, sa pamamagitan ng tao dadanak ang dugo niya, sapagkat ayon sa wangis ng Diyos ay nilalang niya ang tao. 7 Para sa inyo, maging mabunga kayo at magpakarami, lumaganap kayo sa buong mundo at magpakarami rito." 8 At nakipag-usap ang Diyos kay Noe at sa kanyang mga anak na kasama niya, sinabing, 9 "Samantala ako, makinig kayo! Itatatag ko ang kasunduan sa inyo at sa inyong mga kaapu-apuhang susunod sa inyo, 10 at sa bawat nabubuhay na nilalang na kasama ninyo, pati mga ibon at mga alagang hayop, at bawat nilalang sa mundo na kasama ninyo, mula sa lahat ng lumabas sa arka, hanggang sa bawat nabubuhay na nilalang sa mundo. 11 Sa pamamagitan nito itinatatag ko ang aking kasunduan sa inyo, na hindi na kailanman ang lahat ng laman ay muling mawawasak sa pamamagitan ng tubig baha. Hindi na kailanman muling magkakaroon ng bahang sisira sa mundo." 12 Sinabi ng Diyos, "Ito ang palatandaan ng kasunduang aking gagawin sa pagitan ko at ninyo at sa bawat nabubuhay na nilalang na kasama ninyo, sa lahat ng hinaharap na salinlahi: 13 Inilagay ko ang aking bahaghari sa ulap, at ito ang palatandaan ng kasunduan sa pagitan ko at ng mundo. 14 Ito ay mangyayari kapag dinadala ko ang ulap sa ibabaw ng mundo at ang bahaghari ay natatanaw sa ulap, 15 sa gayon isasaisip ko ang aking kasunduan sa pagitan ko at ninyo, at sa bawat nabubuhay na nilalang ng lahat ng laman. Ang mga tubig ay hindi kailanman muling magiging bahang wawasak sa lahat ng laman. 16 Ang bahag-hari ay mapapaloob sa mga ulap at makikita ko ito, upang gunitain ang walang hangang kasunduan sa pagitan ng Diyos at bawat nabubuhay na nilalang ng lahat ng laman na nasa mundo." 17 At sinabi ng Diyos kay Noe, "Ito ang palatandaan ng aking kasunduan na aking itinatag sa pagitan ko at ng lahat ng laman na nasa mundo. 18 Ang mga anak ni Noe na lumabas sa arka ay sina Sem, Ham at Jafet. At si Ham ay ama ni Canaan. 19 Ito ang tatlong anak ni Noe, at mula sa mga ito dumami ang tao sa buong mundo. 20 Nagsimulang maging magsasaka si Noe, at nagtanim siya ng ubasan. 21 Uminom siya ng kaunting alak at nalasing. Siya ay nakahigang walang damit sa kanyang tolda. 22 Pagkatapos si Ham, na ama ni Canaan, ay nakita ang kahubaran ng kanyang ama at sinabi ito sa kanyang dalawang kapatid na nasa labas. 23 Kaya kumuha si Sem at Jafet ng damit at inilagay ito sa parehong balikat nila, at patalikod na lumakad at tinakpan ang kahubaran ng kanilang ama. Ang kanilang mga mukha ay lumihis sa ibang direksyon, kaya hindi nila nakita ang kahubaran ng kanilang ama. 24 Nang nagising si Noe mula sa kanyang kalasingan, nalaman niya kung ano ang ginawa ng kanyang bunsong anak na lalaki sa kanya. 25 Kaya sinabi niya, "Sumpain si Canaan. Maging isang lingkod sana siya sa mga lingkod ng kanyang mga kapatid." 26 Sinabi rin niya, "Nawa si Yahweh, ang Diyos ni Shem, ay pagpalain at nawa si Canaan ay kanyang maging lingkod. 27 Palawakin nawa ng Diyos si Jafet, at hayaan siyang gumawa ng kanyang tahanan sa mga tolda ni Shem. Maging alipin nawa niya si Canaan." 28 Matapos ang baha, nabuhay si Noe ng tatlondaan at limampung taon. 29 Nabuhay si Noe sa loob ng siyam na raan at limampung taon, at siya ay namatay.

Chapter 10

1 Ito ang mga kaapu-apuhan ng mga anak na lalaki ni Noe, iyon ay, sina Sem, Ham at Jafet. Nagkaanak sila ng mga lalaki pagkatapos ng baha. 2 Ang mga anak na lalaki ni Japet ay sina Gomer, Magog, Madai, Javan, Tubal, Meshec at Tiras. 3 Ang mga anak na lalaki ni Gomer ay sina Askenaz, Rifat, Togarma. 4 Ang mga anak na lalaki ni Jovan ay sina Elisha, Tarsis, Kitim at Dodanim. 5 Mula sa mga ito humiwalay ang mga taong taga baybay-dagat at umalis papunta sa kani-kanilang mga lupain, bawat isa ay may sariling wika, ayon sa kanilang mga angkan, ayon sa kanilang mga bansa. 6 Ang mga anak na lalaki ni Ham ay sina Cus, Mizraim, Put, at Canaan. 7 Ang mga anak na lalaki ni Cus ay sina Seba, Havila, Sabta, Raama at Sabteca. Ang mga anak na lalaki ni Raama ay sina Sheba at Didan. 8 Si Cus ang naging ama ni Nimrod, ang naging kauna-unahang manlulupig sa mundo. 9 Siya ay isang mahusay na mangangaso sa harapan ni Yahweh. Kaya ang mga ito'y sinabi, "Tulad ni Nimrod, na mahusay na mangangaso sa harapan ni Yahweh." 10 Ang naunang mga sentro ng kanyang kaharian ay ang Babel, Eric, Acad at Calne, sa lupain ng Sinar. 11 Mula sa lupaing iyon siya ay pumunta sa Asiria at tinatag ang Nineve, Rehoboth Ir, Cale, 12 at Resen, na nasa pagitan ng Nineve at Cale. Ito ay malaking lungsod. 13 Si Mizraim ang naging ama ng mga Ludites, mga Anamites, mga Lehabites, mga Napthuhites, 14 ng mga Pathrusites, mga Casluhites (kung kanino nagmula ang mga Filisteo), at mga Caphtorites. 15 Si Canaan ang naging ama ni Sidon, na kanyang panganay, at ni Heth, 16 gayundin ng mga Jebuseo, ng mga Amoreo, ng mga Gergeseo, 17 ng mga Hivita, ng mga Araceo, ng mga Sineo, 18 ng mga Arvadeo, ng mga Zemareo at ng mga Hamateo. Pagkatapos kumalat ang mga angkan ng mga Cananeo. 19 Ang hangganan ng mga Cananeo ay mula sa Sidon, sa direksyon ng Gerar, hanggang sa Gaza, at habang ang isa ay patungong Sodoma, Gomorra, Adma, at Zeboim, hanggang sa Lasha. 20 Ito ang mga anak na lalaki ni Ham, ayon sa kanilang mga angkan, ayon sa kanilang mga wika, sa kanilang mga lupain, at sa kanilang mga bansa. 21 Nagkaanak din ng mga lalaki si Sem, ang nakatatandang kapatid na lalaki ni Jafet. Si Sem din ang ninuno ng lahat ng tao sa Eber. 22 Ang mga anak na lalaki ni Sem ay sina Elam, Asshur, Arfaxad, Lud, at Aram. 23 Ang mga anak na lalaki ni Aram ay sina Uz, Hul, Gether, at Meshec. 24 Si Arfaxad ang naging ama ni Shela, at si Shela ang naging ama ni Eber. 25 Si Eber ay may dalawang anak na lalaki. Ang pangalan ng isa ay Peleg, dahil sa kanyang panahon nahati ang mundo. Ang pangalan ng kanyang lalaking kapatid ay Joktan. 26 Si Joktan ang naging ama nina Almodad, Sheleph, Hazarmavet, Jerah, 27 Hadoram, Uzal, Diklah, 28 Obal, Abimael, Sheba, 29 Ofir, Havila, at Jobab. Ang lahat ng mga ito ay anak ni Joktan. 30 Ang kanilang nasasakupan ay mula sa Mesha, hangang sa Sephar, ang bundok ng Silangan. 31 Ito ang mga anak ni Sem, ayon sa kanilang mga angkan at sa kanilang mga wika, sa kanilang mga lupain, ayon sa kanilang mga bansa. 32 Ito ang mga angkan ng mga anak na lalaki ni Noe, ayon sa kanilang mga tala ng angkan, ng kanilang mga bansa. Mula sa mga ito nagkahiwalay ang mga bansa at kumalat sa mundo matapos ang baha.

Chapter 11

1 Ngayon ang buong mundo ay gumagamit ng iisang wika at parehong mga salita. 2 Sa kanilang paglalakbay sa silangan, nakatagpo sila ng isang kapatagan sa lupain ng Shinar at doon sila nanirahan. 3 Sinabi nila sa isa’t isa, "Halikayo, gumawa tayo ng mga laryo at lutuin nating mabuti." Laryo ang gamit nila sa halip na bato at alkitran bilang semento. 4 Sinabi nila, "Halikayo, magtayo tayo ng isang lungsod at isang tore para sa atin kung saan ang tuktok ay aabot hanggang langit, at gumawa tayo ng pangalan para sa ating mga sarili. Kung hindi natin gagawin ito, magkakawatak-watak tayo sa buong mundo." 5 Kaya bumaba si Yahweh para tingnan ang lungsod at ang toreng itinayo ng mga kaapu-apuhan ni Adan. 6 Sinabi ni Yahweh, "Tingnan ninyo, sila ay iisang bayan na may iisang wika, at sinisimulan nilang gawin ito! Hindi magtatagal lahat ng gusto nilang gawin ay hindi na magiging imposible para sa kanila. 7 Halikayo, bumaba tayo at lituhin natin ang kanilang wika roon, para hindi nila maintindihan ang isa’t isa. 8 Kaya ikinalat sila ni Yahweh mula roon tungo sa lahat ng dako ng mundo at huminto sila sa pagtatayo ng lungsod. 9 Kaya, pinangalanan itong Babel, dahil doon nilito ni Yahweh ang wika ng buong mundo at mula roon ikinalat sila ni Yahweh sa iba’t ibang dako ng mundo. 10 Ito ang mga kaapu-apuhan ni Sem. Si Sem ay isandaang taong gulang, at naging ama ni Arfaxad dalawang taon matapos ang baha. 11 Si Sem ay nabuhay ng limandaang taon matapos siyang naging ama ni Arfaxad. Naging ama rin siya ng iba pang mga anak na lalaki at babae. 12 Nang tatlumpu't-limang taon na si Arfaxad, siya ay naging ama ni Selah. 13 Nabuhay pa si Arfaxad ng 403 taon matapos siyang maging ama ni Selah, at naging ama pa ng ibang anak na lalaki at babae. 14 Nang tatlumpung taon na si Selah, siya ay naging ama ni Eber. 15 Nabuhay pa si Selah ng 403 taon matapos siyang maging ama ni Eber at naging ama pa ibang anak na lalaki at babae. 16 Nang tatlumpu't-apat na taon si Eber, siya ay naging ama ni Peleg. 17 Nabuhay pa si Eber ng 430 taon matapos siyang maging ama ni Peleg. Siya ay naging ama rin ng iba pang mga anak na lalaki at babae. 18 Nang tatlumpung taon na si Peleg, siya ay naging ama ni Reu. 19 Nabuhay pa si Peleg ng 209 taon matapos siyang maging ama ni Peleg. Siya ay naging ama rin ng iba pang mga anak na lalaki at babae. 20 Nang tatlumpu't dalawang taon na si Reu, siya ay naging ama ni Serug. 21 Nabuhay pa si Reu ng 207 taon matapos siyang maging ama ni Serug. Siya ay naging ama rin ng iba pang mga anak na lalaki at babae. 22 Nang tatlumpung taon na si Serug, siya ay naging ama ni Nahor. 23 Si Serug ay nabuhay pa ng dalawandaang taon matapos siyang maging ama ni Nahor. Siya ay naging ama rin ng iba pang mga anak na lalaki at babae. 24 Nang dalawampu't-siyam na taon na si Nahor, siya ay naging ama ni Terah. 25 Nabuhay pa si Nahor ng 119 taon matapos siyang maging ama ni Terah. Siya ay naging ama rin ng iba pang mga anak na lalaki at babae. 26 Matapos mamuhay si Terah ng pitumpung taon, siya ay naging ama ni Abram, Nahor, and Haran. 27 Ngayon ito ang mga kaapu-apuhan ni Terah. Si Terah ay naging ama nina Abram, Nahor, at Haran, at si Haran ay naging ama ni Lot. 28 Namatay si Haran sa piling ng kaniyang amang si Terah sa lupain na kaniyang sinilangan, sa Ur ng mga Caldeo. 29 Kumuha ng mga asawa sina Abram at Nahor. Ang pangalan ng asawa ni Abram ay Sarai at ang pangalan ng asawa ni Nahor ay Milcah, anak na babae ni Haran, na ama ni Milcah at Iscah. 30 Ngayon si Sarai ay baog; siya ay walang anak 31 Kinuha ni Terah ang anak niyang si Abram, si Lot na anak ng kaniyang anak na si Haran, Sarai na kaniyang manugang, asawa ng kaniyang anak na si Abram, at sama-sama nilang iniwan ang Ur ng mga Caldeo, para pumunta sa lupain ng Canaan. Pero sila ay dumating sa Haran at nanatili roon. 32 Nabuhay pa si Terah ng 205 na taon at pagkatapos ay namatay sa Haran.

Chapter 12

1 Ngayon sinabi ni Yahweh kay Abram, "Humayo ka mula sa iyong bansa, at mula sa iyong mga kamag-anak, at mula sa sambahayan ng iyong ama, sa lupaing ipakikita ko sa iyo. 2 Gagawin kitang isang dakilang bansa, at pagpapalain kita, at gagawin kong dakila ang iyong pangalan at ikaw ay magiging isang pagpapala. 3 Pagpapalain ko ang magpapala sa iyo, pero sinuman ang maninira sa iyo ay susumpain ko. Sa pamamagitan mo, ang lahat ng mga pamilya sa buong mundo ay pagpapalain." 4 Kaya humayo si Abram, gaya ng sinabi ni Yahweh na kaniyang gawin, at sumama si Lot sa kaniya. Pitumpu't-limang taong gulang si Abram nang umalis siya sa Haran. 5 Isinama ni Abram si Sarai, na kaniyang asawa, si Lot, na anak na lalaki ng kaniyang kapatid, lahat ng mga ari-arian na kanilang naipon, at mga nakuha nilang mga tauhan sa Haran. Umalis sila patungo sa lupain ng Canaan, at pumunta sa lupain ng Canaan. 6 Naglakbay si Abram hanggang sa Shekem sa kakahuyan ng Moreh. Sa panahong iyon ang mga Cananeo ang naninirahan sa lupain. 7 Nagpakita si Yahweh kay Abram, at sinabing, "Ibibigay ko ang lupaing ito sa iyong mga kaapu-apuhan." Kaya nagtayo roon si Abram ng altar para kay Yahweh, na nagpakita sa kaniya. 8 Mula roon siya ay lumipat sa bulubunduking bayan sa silangan ng Bethel, kung saan niya itinayo ang kaniyang tolda, na ang Bethel ay nasa kanluran at ang Ai ay nasa silangan. Doon nagtayo siya ng altar para kay Yahweh at tumawag sa pangalan ni Yahweh. 9 Pagkatapos nagpatuloy si Abram sa paglalakbay patungong Negeb. 10 Nagkaroon ng taggutom sa lupain, kaya bumaba si Abram papunta sa Ehipto para manirahan doon, dahil matindi ang taggutom sa lupain. 11 Nang siya ay papasok na sa Ehipto, sinabi niya sa kaniyang asawang si Sarai, "Tingnan mo, alam kong ikaw ay isang magandang babae. 12 Kapag nakita ka ng mga taga-Ehipto sasabihin nilang, 'Ito ay kaniyang asawa,' at ako ay papatayin nila, pero hahayaan ka nilang mabuhay. 13 Sabihin mong ikaw ay kapatid kong babae, para mapabuti ako ng dahil sa iyo, at maliligtas ang buhay ko dahil sa iyo." 14 Nang papasok na si Abram sa Ehipto, nakita ng mga taga-Ehipto na napakaganda ni Sarai. 15 Nakita siya ng mga prinsepe ng Paraon, at pinuri siya kay Paraon, at dinala ang babae sa sambahayan ng Paraon. 16 Pinakitunguhan nang mabuti ni Paraon si Abram alang-alang sa kaniya, at binigyan siya ng mga tupa, mga baka, mga lalaking asno, mga lalaki at babaeng lingkod, mga babaeng asno, at mga kamelyo. 17 Pagkatapos pinahirapan ni Yahweh ang Paraon at ang kaniyang sambahayan ng mga matinding salot dahil kay Sarai, na asawa ni Abram. 18 Pinatawag ng Paraon si Abram, at sinabing, "Ano itong ginawa mo sa akin? Bakit hindi mo sinabi sa akin na siya ay iyong asawa? 19 Bakit mo sinabing, 'Siya ay kapatid ko,' kaya kinuha ko siya na maging asawa ko? Kaya ngayon, narito ang iyong asawa. Isama mo siya, at umalis na kayo." 20 Pagkatapos, binigyan ng utos ng Paraon ang kaniyang mga tauhan patungkol sa kaniya, at siya ay pinaalis nila, kasama ang kaniyang asawa at ang lahat ng mayroon siya.

Chapter 13

1 Kaya umalis si Abram sa Ehipto at pumunta sa Negeb, siya, ang kaniyang asawa, at ang lahat ng mayroon siya. Sumama rin si Lot sa kanila. 2 Ngayon si Abram ay napakayaman na sa mga hayop, pilak, at ginto. 3 Nagpatuloy siya sa kaniyang paglalakbay mula sa Negeb patungong Bethel, sa lugar kung saan naroon ang kaniyang tolda noon, sa pagitan ng Bethel at Ai. 4 Pumunta siya sa lugar kung saan niya dating itinayo ang altar. Dito tumawag siya sa pangalan ni Yahweh. 5 Ngayon si Lot, na kasama ni Abram sa paglalakbay, ay mayroon ding mga kawan, mga alagang hayop at mga tolda. 6 Dahil ang kanilang mga ari-arian ay napakarami, hindi na kayang tugunan ng lupain ang kanilang pangangailangan na manirahang magkasama, kaya hindi na sila maaaring magsama. 7 At isa pa, mayroon ng pagtatalo sa pagitan ng mga pastol ng mga hayop ni Abram at ng mga pastol ng mga hayop ni Lot. Naninirahan ang mga Cananeo at Perezeo sa lupain nang panahong iyon. 8 Kaya sinabi ni Abram kay Lot, "Huwag nating hayaan na magkaroon ng alitan sa pagitan nating dalawa at sa pagitan ng iyong mga pastol at ng aking mga pastol; kung tutuusin, tayo ay magkapamilya. 9 Hindi ba nasa harap mo ang buong lupain? Humayo ka at ihiwalay mo ang iyong sarili sa akin. Kung pupunta ka sa kaliwa, pupunta naman ako sa kanan. O kung pupunta ka sa kanan, pupunta naman ako sa kaliwa. 10 Kaya tumingin si Lot sa paligid at nakitang sagana sa tubig ang buong kapatagan ng Jordan hanggang sa Zoar, katulad ng hardin ni Yahweh, katulad ng lupain sa Ehipto. Ito ay bago pa nilipol ni Yahweh ang Sodoma at Gomorrah. 11 Kaya pinili ni Lot ang lahat ng kapatagan ng Jordan para sa kaniyang sarili at naglakbay sa silangan at naghiwalay na ang magkakamag-anak. 12 Nanirahan si Abram sa lupain ng Canaan, at si Lot ay nanirahan naman sa mga lungsod ng kapatagan. Nagtayo siya ng kaniyang mga tolda hindi kalayuan sa Sodoma. 13 Ngayon napakasama ng mga kalalakihan ng Sodoma at namumuhay sila laban kay Yahweh. 14 Sinabi ni Yahweh kay Abram pagkatapos lumayo ni Lot sa kaniya, "Tumingin ka mula sa kinatatayuan mo, sa hilaga, timog, silangan at kanluran. 15 Lahat ng lupaing ito na nakikita mo, ibibigay ko sa iyo at sa iyong mga kaapu-apuhan magpakailanman. 16 At gagawin kong kasindami ng alikabok sa lupa ang iyong mga kaapu-apuhan, kaya kung mabibilang ng isang tao ang alikabok ng mundo, sa gayon ay mabibilang din ang mga kaapu-apuhan mo. 17 Tumindig ka, lakarin mo ang kahabaan at kalawakan ng lupain, dahil ibibigay ko ito sa iyo. 18 Kaya binuhat ni Abram ang kaniyang tolda, pumunta siya at nanirahan sa may mga kakahuyan ng Mamre, na nasa Hebron, at doon nagtayo ng isang altar para kay Yahweh.

Chapter 14

1 Nangyari na sa mga araw nina Amrafel, hari ng Sinar, Ariok, hari ng Elasar, Kedorlaomer, hari ng Elam, at Tidal, hari ng Goyim, 2 na nakipagdigma sila laban kina Bera, hari ng Sodoma, Birsha, hari ng Gomorra, Shinab, hari ng Adma, Shemeber, hari ng Zeboim, at sa hari ng Bela (tinatawag ding Zoar). 3 Ang limang mga hari ay nagsama-sama sa Lambak ng Sidim (na tinatawag ding Dagat Asin). 4 Labindalawang taon silang nanilbihan kay Kedorlaomer, pero naghimagsik sila sa ika-labintatlong taon. 5 Pagkatapos sa ikalabing apat na taon, dumating at nilusob nina Kedorlaomer at ng mga haring kasama niya ang mga Refaita sa Astarot Karnaim, ang mga Zuzita sa Ham, ang mga Emita sa Save-Kiryatam, 6 at ang mga Horeo sa kanilang bulubunduking bansa ng Seir, hanggang sa El Paran, na malapit sa desyerto. 7 Pagkatapos lumiko sila at dumating sa Enmispat (tinatawag ding Kades), at tinalo ang lahat ng bansa ng mga Amalekita, pati na ang mga Amoreo na nanirahan sa Hasason Tamar. 8 Pagkatapos lumabas at naghanda para sa digmaan ang hari ng Sodoma, ang hari ng Gomorra, ang hari ng Adma, ang hari ng Zeboim, at ang hari ng Bela (tinatawag ding Zoar), 9 laban kina Kedolaomer, hari ng Elam, Tidal, hari ng Goyim, Amrafel, hari ng Sinar, Arioc, hari ng Elasar; apat na mga hari laban sa lima. 10 Ngayon puno ng mga hukay na may alkitran ang lambak ng Sidim, at nang tumakas ang mga hari ng Sodoma at Gomorra, nahulog sila roon. Tumakas ang mga natira patungo sa mga kabundukan. 11 Kaya kinuha ng kaaway ang lahat ng mga kagamitan ng Sodoma at Gomorra at ang lahat ng kanilang mga panustos, at nagpatuloy sa kanilang landas. 12 Nang umalis sila, dinala rin nila si Lot, ang anak ng kapatid ni Abram na naninirahan sa Sodoma, kasama ang lahat ng kaniyang mga ari-arian. 13 Pumunta at nagsalaysay ang isang nakatakas kay Abram na Hebreo. Naninirahan siya sa may mga kakahuyan na pagmamay-ari ni Mamre, na Amoreo, kapatid nina Escol at Aner, na pawang mga kakampi ni Abram. 14 Ngayon nang marinig ni Abram na nabihag ng mga kaaway ang kaniyang kamag-anak, pinangunahan niya ang kaniyang tatlong daan at labing walong sinanay na tauhan, na ipinanganak sa kaniyang sambahayan, at tinugis niya sila hanggang sa Dan. 15 Kinagabihan hinati niya ang kaniyang mga tauhan laban sa kanila at nilusob sila, at hinabol sila hanggang sa Hoba na nasa hilaga ng Damasco. 16 Pagkatapos dinala niya ang lahat ng mga ari-arian, at dinala rin niya ang kaniyang kamag-anak na si Lot at ang kaniyang mga kagamitan, pati na rin ang mga kababaihan at ang iba pang mga tao. 17 Matapos bumalik ni Abram mula sa pagtalo kina Kedorlaomer at sa mga hari na kasama niya, ang hari ng Sodoma ay lumabas para salubungin siya sa lambak ng Save (tinatawag ding Lambak ng Hari). 18 Naglabas si Melquisedec, hari ng Salem, ng tinapay at alak. Siya ay pari ng Kataastaasang Diyos. 19 Siya ay kaniyang pinagpala na nagsasabing, "Pagpalain ka Abram ng Kataastaasang Diyos, Manlilikha ng langit at lupa. 20 Pagpalain ang Kataastaasang Diyos, na siyang nagbigay ng iyong mga kaaway sa iyong kamay." Pagkatapos ibinigay ni Abram sa kaniya ang ikasampu ng lahat ng kaniyang pag-aari. 21 Sinabi ng hari ng Sodoma kay Abram, "Ibigay mo sa akin ang mga tao, at kunin mo ang mga kagamitan para sa iyong sarili." 22 Sinabi ni Abram sa hari ng Sodoma, "Itinaas ko ang aking kamay kay Yahweh, sa Kataastaasang Diyos, Manlilikha ng langit at lupa, 23 na hindi ako kukuha ng sinulid, sintas ng sandalyas, o anumang sa iyo, para ikaw ay hindi kailanman makapagsabing, "Ako ang nagpayaman kay Abram.' 24 Wala akong kukunin maliban sa kung anong nakain ng mga kabataang lalaki at ang bahagi ng mga lalaking sumama sa akin. Hayaang mong kunin nina Aner, Escol, at Mamre ang kanilang bahagi."

Chapter 15

1 Pagkatapos ng mga bagay na ito dumating kay Abram ang salita ni Yahweh sa isang pangitain, na nagsasabing, "Huwag kang matakot, Abram! Ako ang iyong panangga at iyong pinakadakilang gantimpala." 2 Sinabi ni Abram, "Panginoong Yahweh, ano ang ibibigay mo sa akin, yamang nagpapatuloy akong walang anak, at ang tagapagmana ng aking bahay ay si Eliezer ng Damascus?" 3 Sinabi ni Abram, "Dahil hindi mo ako binigyan ng anak, tingnan mo, ang katiwala ng aking bahay ay siyang aking tagapagmana." 4 Pagkatapos, narito, dumating ang salita ni Yahweh, nagsasabing "Ang taong ito ay hindi mo magiging tagapagmana; sa halip manggagaling sa inyong sariling katawan ang siyang magiging tagapagmana mo." 5 Pagkatapos siya ay dinala niya sa labas, at sinabing, "Tumingala ka sa langit, at bilangin mo ang mga bituin, kung kaya mo silang bilangin." Pagkatapos sinabi niya sa kaniya," Ganoon din karami ang iyong magiging mga kaapu-apuhan." 6 Naniwala siya kay Yahweh, at itinuring ito sa kaniya bilang pagiging matuwid. 7 Sinabi niya sa kaniya, "Ako si Yahweh na nagdala sa iyo palabas ng Ur ng mga Caldeo, para ibigay sa iyo ang lupaing ito para manahin ito." 8 Sinabi niya, "Panginoong Yahweh, paano ko malalaman na mamanahin ko ito?" 9 Pagkatapos sinabi niya sa kaniya, "Dalhan mo ako ng tatlong taong gulang na baka, tatlong taong gulang na babaeng kambing at tatlong taong gulang na lalaking tupa, isang kalapati at isang batang pitson." 10 Dinala niya sa kaniya lahat ng ito, at hinati ang ito sa dalawa, at nilapag sa magkabilang bahagi ang bawat kalahati, pero hindi niya hinati ang mga ibon. 11 Nang bumaba ang mga ibong mandaragit para kainin ang mga patay na hayop, itinaboy sila ni Abram papalayo. 12 Pagkatapos nang palubog na ang araw, nakatulog nang mahimbing si Abram, at masdan, siya ay nilukuban ng isang malalim at nakakapangilabot na kadiliman. 13 Pagkatapos sinabi ni Yahweh kay Abram, "Alamin mong tiyak na ang iyong mga kaapu-apuhan ay magiging dayuhan sa lupaing hindi kanila, at sila ay gagawing alipin at aapihin sa loob ng apatnaraang taon. 14 Hahatulan ko ang bansang iyon na paglilingkuran nila, at pagkatapos sila ay lalabas na may saganang mga ari-arian. 15 Pero ikaw ay pupunta sa iyong mga ama nang payapa, at ikaw ay ililibing sa angkop na katandaan. 16 Sa ikaapat na salinlahi sila ay muling babalik dito, dahil ang mga kasalanan ng mga Amorito ay hindi pa nakaabot sa sukdulan nito." 17 Nang lumubog na ang araw at dumilim, masdan, isang umuusok na banga at umaapoy na sulo ang dumaan sa pagitan ng mga piraso. 18 Sa araw na iyon gumawa si Yahweh ng tipan kay Abram, na nagsasabing, "Ibinibigay ko sa iyong kaapu-apuhan ang lupaing ito, mula sa ilog ng Ehipto patungo sa dakilang ilog ng Eufrates, ang Eufrates— 19 ang mga Cenio, ang mga Cenizeo, ang mga Kadmoneo, 20 ang mga Heteo, ang mga Perezeo, ang mga Refiata, 21 ang mga Amoreo, ang mga Cananeo, ang mga Gergeseo at mga Jebuseo."

Chapter 16

1 Ngayon si Sarai, asawa ni Abram, ay hindi nagkaanak sa kaniya, pero mayroon siyang babaeng lingkod, taga-Ehipto, na ang pangalan ay Agar. 2 Kaya sinabi ni Sarai kay Abram, "Tingnan mo, pinanatili ako ni Yahweh na walang anak. Sipingan mo ang aking lingkod. Baka sakaling magkaroon ako ng anak sa pamamagitan niya." Nakinig si Abram sa sinabi ni Sarai. 3 Iyon ay matapos na si Abram ay nanirahan ng sampung taon sa lupain ng Canaan nang ibinigay ni Sarai, asawa ni Abram, si Agar, na kaniyang lingkod na taga-Ehipto, sa kaniyang asawa bilang asawa. 4 Kaya nagkaroon siya ng kaugnayan kay Agar, at nabuntis siya. At nang makita niyang nabuntis siya, tiningnan niya ng may pag-aalipusta ang kaniyang among babae. 5 Pagkatapos sinabi ni Sarai kay Abram, "Ang kamaliang ito sa akin ay dahil sa iyo. Ibinigay ko ang aking babaeng lingkod sa iyong mga bisig, at nang makita niyang siya ay nabuntis, hinamak niya ako sa kaniyang paningin. Hayaan mong si Yahweh ang humatol sa pagitan natin. 6 Pero sinabi ni Abram kay Sarai, "Tingnan mo, nasa iyong kapangyarihan ang iyong babaeng lingkod, gawin mo sa kaniya ang iniisip mong pinakamabuti." Kaya pinagmalupitan siya ni Sarai, at siya ay tumakas mula sa kaniya. 7 Ang anghel ni Yahweh ay nakita siya sa isang bukal ng tubig sa ilang, ang bukal na matatagpuan sa daan patungong Shur. 8 Sinabi niya, "Agar, alipin ni Sarai, saan ka nanggaling at saan ka pupunta?" Sinabi niya, "Tumakas ako mula sa aking among babae na si Sarai". 9 Sinabi sa kaniya ng anghel ni Yahweh, "Bumalik ka sa iyong among babae, at sumailalim ka sa kaniyang kapangyarihan". 10 Pagkatapos sinabi ng anghel ni Yahweh sa kaniya, "Labis kong pararamihin ang iyong mga kaapu-apuhan para maging napakarami nila para bilangin. 11 Sinabi rin sa kaniya ng anghel ni Yahweh, "Tingnan mo, ikaw ay buntis, at manganganak ka ng isang anak na lalaki, at pangangalanan mo siyang Ismael, dahil narinig ni Yahweh ang iyong paghihirap". 12 Siya ay magiging isang lalaking mistulang mabangis na asno. Magiging kalaban siya ng bawat tao at bawat tao ay magiging kalaban niya at mamumuhay siyang hiwalay sa kaniyang mga kapatid. 13 Pagkatapos binigay niya ang pangalang ito kay Yahweh na nangusap sa kaniya, "Ikaw ang Diyos na nakakakita sa akin," dahil sinabi niya, "Talaga bang patuloy akong makakakita, kahit na pagkatapos niya akong nakita?" 14 Dahil dito tinawag na Beerlahairoi ang balon; masdan, naroon ito sa pagitan ng Kades at Bered. 15 Nanganak si Agar ng anak na lalaki ni Abram, at pinangalanan ni Abram ang kaniyang anak, na isinilang ni Agar, na Ismael. 16 Si Abram ay walumpu't-anim na taong gulang nang isilang ni Agar si Ismael para kay Abram.

Chapter 17

1 Nang siyamnapu't-siyam na taong gulang na si Abram, nagpakita si Yahweh sa kanya at sinabing, "Ako ang Diyos na makapangyarihan. Lumakad ka sa akin at mamuhay ka nang matuwid. 2 Pagkatapos pagtitibayin ko ang aking tipan sa pagitan natin, at lubos kitang pararamihin." 3 Nagpatirapa si Abram na nakasayad ang mukha sa lupa at nangusap ang Diyos sa kanya, sinabing, 4 "Para sa akin, masdan mo, ang aking tipan ay sumasaiyo. Ikaw ay magiging ama ng napakamaraming bansa. 5 Ang pangalan mo ay magiging Abraham, at hindi na Abram—dahil itinalaga kita na maging ama ng napakamaraming bansa. 6 Pamumungahin kita nang lubos, at magmumula sa iyo ang maraming bansa, at ang mga magiging hari ay magmumula rin sayo. 7 Magtatatag ako ng tipan sa pagitan natin at sa iyong mga magiging kaapu-apuhan, hanggang sa kanilang buong salinlahi, para sa isang walang hanggang tipan, na ako ang magiging Diyos mo at ng mga susunod mong mga kaapu-apuhan. 8 Ibibigay ko sayo at sa mga susunod mong kaapu-apuhan, ang lupain kung saan ka naninirahan, lahat ng lupain sa Canaan, para sa walang hanggang pag-aari at ako ang magiging Diyos nila." 9 Pagkatapos sinabi ng Diyos kay Abraham, "Para sayo, dapat mong ingatan ang aking tipan, ikaw at ang susunod mong kaapu-apuhan hanggang sa kanilang buong salinlahi. 10 Ito ang aking tipan sa pagitan ko at sa pagitan mo at sa susunod mong mga kaapu-apuhan na dapat mong ingatan: Lahat ng lalaki sa inyo ay dapat matuli. 11 Dapat kayong matuli sa laman ng iyong balat, at ito ang magiging palatandaan ng tipan sa pagitan ko at pagitan mo. 12 Bawat lalaki sa inyo ay dapat na matuli pagsapit ng ikawalong araw na gulang, maging sa mga susunod ninyong salinlahi. Kasama rito ang mga ipinanganak sa iyong sambahayan, pati na ang nabili ng salapi mula sa mga dayuhan na hindi kasama sa iyong mga kaapu-apuhan. 13 Siya na ipinanganak sa iyong sambahayan, at nabili ng iyong salapi ay dapat matuli. Sa gayon ang aking tipan ay mapapasaiyong laman para sa walang hanggang tipan. 14 Sinuman sa mga hindi tuli ang hindi tinuli sa laman ng kaniyang balat ay ihihiwalay mula sa kanyang sambayahan. Sinira niya ang aking tipan. 15 Sinabi ng Diyos kay Abraham, "Tungkol naman kay Sarai na iyong asawa, hindi na Sarai ang itatawag mo sa kanya. Sa halip, Sarah ang kanyang magiging pangalan. 16 Pagpapalain ko siya at bibigyan kita ng anak na lalaki sa pamamagitan niya. Pagpapalain ko siya, at siya ang magiging ina ng mga bansa. Ang mga hari ng mga tao ay magmumula sa kanya." 17 Pagkatapos nagpatirapa si Abraham na nakasayad ang mukha, at tumawa, at sinabi sa kanyang puso, "Maaari bang magkaanak ang isang taong isandaang taong gulang na? At magkakaanak pa ba si Sarah, gayong siyamnapung taong gulang na siya? 18 Sinabi pa ni Abraham sa Diyos, "Nawa mabuhay si Ismael sa iyong harapan!" 19 Sinabi ng Diyos, "Hindi, si Sarah na iyong asawa ay magdadalang-tao ng anak na lalaki, at pangalanan mo siyang Isaac. Magtatatag ako ng tipan sa kanya, bilang walang hanggang tipan sa mga susunod niyang mga magiging kaapu-apuhan. 20 Tungkol naman kay Ismael, narinig kita. Pagmasdan mo, pinagpapala ko siya ngayon at pamumungahin ko siya, at pararamihin ko siya nang masagana. Siya ay magiging ama ng labindalawang mga pinuno ng mga lipi, at gagawin ko siyang isang malaking bansa. 21 Pero itatatag ko ang aking tipan kay Isaac, na siyang isisilang ni Sarah sa ganitong oras sa susunod na taon." 22 Nang siya ay tapos ng makipag-usap sa kanya, umakyat ang Diyos mula kay Abraham. 23 Pagkatapos, kinuha ni Abraham ang kanyang anak na si Ismael at lahat ng ipinanganak sa kanyang sambahayan, at lahat ng mga nabili niya sa kanyang salapi, bawat lalaki na kabilang sa mga tauhan ng sambahayan ni Abraham, at tinuli sa laman ng kanilang balat sa parehong araw, gaya ng sinabi ng Diyos sa kanya. 24 Natuli si Abraham sa laman ng kanyang balat nang siya ay siyamnapu't-siyam na taong gulang. 25 At natuli si Ismael sa laman ng kanyang balat nang siya ay labing tatlong taong gulang. 26 Sa magkaparehong araw, parehong natuli si Abraham at si Ismael na kanyang anak. 27 Lahat ng lalaki sa kanyang sambahayan ay natuli rin kasama niya, pati na ang mga ipinanganak sa sambahayan, at ang mga nabili ng salapi mula sa dayuhan.

Chapter 18

1 Habang nakaupo siya sa pintuan ng tolda sa kainitan ng araw, nagpakita si Yahweh kay Abraham sa mga kakahuyan ni Mamre. 2 Tumingala siya at naroon, nakita niya ang tatlong lalaki na nakatayo sa harap niya. Nang makita sila ni Abraham, tumakbo siya mula sa pintuan ng tolda, para salubungin sila at yumukod siya sa lupa. 3 Sinabi niya, "Panginoon, kung nakasumpong ako ng biyaya sa iyong paningin, huwag kang umalis at iwan ang iyong lingkod. 4 Hayaan ninyong maidala ang kaunting tubig, mahugasan ang inyong mga paa, at makapagpahinga kayo sa ilalim ng punong kahoy. 5 Hayaan ninyong dalhan ko kayo ng kaunting pagkain, at nang manumbalik ang inyong lakas. Pagkatapos maaari na kayong tumuloy sa pupuntahan ninyo dahil naparito na kayo sa inyong lingkod." Sinabi nila, "Gawin mo ang sinabi mo." 6 Pagkatapos dali-daling pumunta si Abraham sa tolda ni Sarah at sinabi, "Bilisan mo, magdala ka ng tatlong takal ng harina, masahin mo ito, at gawing tinapay." 7 Pagkatapos tumakbo si Abraham sa kawan, kumuha siya ng guyang mainam at maayos at ibinigay ito sa lingkod, at nagmadali siyang ihanda ito. 8 Kumuha siya ng mantikilya at gatas, at ang guya na naihanda at nilagay ang pagkain sa harap nila. At tumayo siya sa ilalim ng puno habang sila ay kumakain. 9 Sinabi nila sa kanya, "Nasaan ang iyong asawa na si Sarah?" Sumagot siya, "Naroon sa loob ng tolda." 10 Sinabi niya, "Makatitiyak ka na babalik ako sa iyo sa tagsibol at makikita mo, magkakaroon ng anak na lalaki ang iyong asawa na si Sarah." Nakikinig si Sarah sa pintuan ng tolda na nasa likod ni Abraham. 11 Ngayon matanda na nga sina Abraham at Sarah, talagang napakatanda na at nalampasan na ni Sarah ang edad kung saan hindi na maaaring magkaanak pa ang isang babae. 12 Kaya tinawanan ni Sarah ang kaniyang sarili at sinabing," "Ngayong matanda na ako, magkakaroon pa ba ako ng kasiyahan, gayong ang panginoon ko ay matanda na rin?" 13 Sinabi ni Yahweh kay Abraham, "Bakit tumawa si Sarah at sinabing, 'Magkakaanak pa batalaga ako gayong matanda na ako?' 14 Mayroon bang mahirap para kay Yahweh? Pagsapit ng itinakda kong panahon, sa tagsibol, babalik ako sa iyo. Sa ganitong oras sa susunod na taon, si Sarah ay magkakaroon ng anak na lalaki. 15 Pagkatapos, itinanggi ni Sarah ito at sinabing, "Hindi ako tumawa," dahil siya ay natakot. Sumagot si Yahweh, "Hindi, tumawa ka." 16 Pagkatapos tumayo ang mga lalaki para umalis at tumingin pababa patungong Sodoma. Sumama si Abraham sa kanila para ihatid sila sa pagpapatuloy ng kanilang paglalakbay. 17 Pero sinabi ni Yahweh, "Dapat ko bang itago kay Abraham ang gagawin ko, 18 gayong tiyak na magiging dakila at makapangyarihang bansa si Abraham, at pagpapalain ang lahat ng bansa sa daigdig sa pamamagitan niya? 19 Dahil pinili ko siya para maturuan ang kanyang mga anak pati na ang sambahayan na susunod sa kanya na mapanatili ang kaparaanan ni Yahweh, na gumawa ng matuwid at makatarungan, nang sa gayon maibibigay ni Yahweh kay Abraham ang sinabi niya sa kanya." 20 Pagkatapos sinabi ni Yahweh, "Dahil napakarami ng paratang laban sa Sodoma at Gomora, at napakalubha na ng kanilang kasalanan, 21 bababa ako ngayon doon at titingnan ko kung kasingsama sila gaya ng paratang sa kanila na sinabi sa akin. Kung hindi man, malalaman ko." 22 Pagkatapos ang mga lalaki ay umalis mula roon at pumunta patungo sa Sodoma, pero nanatiling nakatayo si Abraham sa harapan ni Yahweh. 23 Pagtapos lumapit si Abraham at sinabi, "Lilipulin mo ba ang matuwid kasama ang makasalanan? 24 Marahil mayroong limampung matuwid sa loob ng lungsod. Lilipulin niyo ba ito at hindi ililigtas ang lugar alang-alang sa kapakanan ng limampung matuwid na naroon? 25 Malayong gawin mo ang mga bagay na ito, na patayin ang mga matuwid kasama ang makasalanan, at ituring ang mga matuwid gaya ng mga makasalanan. Malayong gawin mo ito! Hindi ba gagawin ng Hukom ng buong mundo kung ano ang makatarungan?" 26 Sinabi ni Yahweh, "Kung may nakita kang limampung matuwid sa lungsod na iyon, ililigtas ko ang buong lugar para sa kanila." 27 Sumagot si Abraham at sinabi, "Tingnan mo ang aking ginawa, nangahas akong makipag-usap sa aking Panginoon, kahit na alikabok at abo lamang ako! 28 Paano kung nabawasan ng lima ang limampung matuwid? Wawasakin mo ba ang buong lungsod dahil nabawasan ng lima? At sinabi niya, "Hindi ko ito wawasakin kung may mahanap akong apatnapu't lima." 29 Muli siyang nakipag-usap sa kanya at sinabing, "Paano kung apatnapu ang makita roon? Sumagot siya, "Alang-alang sa apatnapu, hindi ko ito gagawin." 30 Sinabi niya, "Pakiusap, huwag kayong magagalit Panginoon, para makapagsalita ako. Kung sakali na tatlumpu ang mahanap doon? "Sinabi ng Diyos, "Hindi ko ito gagawin kung may mahanap akong tatlumpu doon." 31 Sinabi niya, "Tingnan mo, nangahas akong makipag-usap sa aking Panginoon! Marahil dalawampu ang makita roon." Tumugon siya, "Hindi ko ito gagawin alang-alang sa dalawampu." 32 Sinabi niya, "Pakiusap, huwag kayong magalit, Panginoon, sasabihin ko ito sa huling pagkakataon. Marahil sampu ang makita roon." At sinabi niya, "Hindi ko ito wawasakin alang-alang sa sampung natira." 33 Nagtungo na si Yahweh sa kaniyang paroroonan matapos siyang makipag-usap kay Abraham, at bumalik na si Abraham sa kanyang tahanan.

Chapter 19

1 Dumating ang dalawang anghel sa Sodoma sa gabi, habang nakaupo si Lot sa tarangkahan ng Sodoma. Nakita sila ni Lot, tumayo siya upang salubungin sila, at nagpatirapa na nakasayad ang mukha sa lupa. 2 Sinabi niya, "Nakikiusap ako aking mga panginoon, kayo ay pumunta muna sa bahay ng inyong lingkod at manatili ng magdamag at hugasan ang inyong mga paa. Pagkatapos, maaari na kayong bumangon nang maaga at pumunta sa inyong pupuntahan." At sinabi nila, "Hindi, magpapalipas na lang kami ng gabi sa liwasan ng bayan. 3 Pero pinilit niya sila kaya sumama sila sa kanya, at pumasok sila sa kanyang bahay. Naghanda siya ng makakain nila at nagluto ng tinapay na walang pampaalsa at sila ay kumain. 4 Pero bago sila humiga, pinaligiran ng mga kalalakihan sa lungsod, mga kalalakihan sa Sodoma, bata at matanda sa lahat ng sulok ng bayan, ang bahay niya, lahat ng kalalakihan sa bawat bahagi ng lungsod. 5 Tinawag nila si Lot at sinabi, "Nasaan ang mga lalaking pumasok sa inyo ngayong gabi? Dalhin mo sila sa amin para masipingan namin sila. 6 Kaya lumabas si Lot sa kanyang bahay at sinara ang pinto sa likuran niya. 7 Sinabi niya sa kanila, "Nagmamakaawa ako sa inyo, mga kapatid ko, huwag kayong gumawa ng kasamaan. 8 Tingnan ninyo, narito ang aking dalawang anak na babae na hindi pa nasisipingan ng sinumang lalaki. Hayaan ninyo, nakikiusap ako, na dalhin ko sila sa inyo at gawin ninyo sa kanila ang katanggap-tanggap sa inyong mga mata. Huwag lang dito sa mga lalaking ito dahil sila ay nasa loob ng aking pamamahay." 9 Sabi nila, "Tumabi ka!" Sinabi rin nila, "Ang taong ito ay dumating dito sa ating lugar bilang isang dayuhan at ngayon siya ay naging hukom natin! Mas malala pa ang gagawin namin sa iyo kaysa sa kanila." Tinulak nila nang malakas ang lalaki, si Lot, at lumapit para sirain ang pinto. 10 Pero inabot ng mga lalaki ng kanilang mga kamay si Lot at dinala sa loob ng bahay kasama nila at sinara ang pinto. 11 At doon naman sa mga tao na nasa labas ng pinto ng bahay, inatake sila ng mga panauhin ni Lot at ginawang bulag, ang mga bata pati matatanda, kaya nahirapan silang makita ang pinto ng bahay. 12 Pagkatapos, sinabi ng mga lalaki kay Lot, "Mayroon ka pa bang ibang kasama rito? Mga manugang, mga anak na lalaki at babae at kung sino pa mang mga kasamahan mo sa lungsod, ilabas mo na sila rito. 13 Wawasakin na namin ang lugar na ito, dahil napakarami na ng paratang sa kanila sa harap ni Yahweh, kaya pinadala niya kami para wasakin ito." 14 Lumabas si Lot at kinausap niya ang kanyang mga manugang, ang mga lalaki na nangakong pakakasalan ang kanyang mga anak na babae, at sinabi, "Bilis, umalis na kayo sa lugar na ito, dahil wawasakin na ni Yahweh ang lungsod." Pero para sa kanyang mga manugang, tila ba nagbibiro lang siya. 15 Nang mag-uumaga na, inudyakan ng mga anghel si Lot at sinabi, "Umalis ka na, kunin mo ang iyong asawa at dalawang anak na babae na narito, para hindi kayo maisama sa kaparusahan ng lungsod." 16 Pero nag-alinlangan siya. Kaya hinawakan ng mga lalaki ang kanyang kamay, at ang kamay ng kanyang asawa, at mga kamay ng kanyang dalawang anak na babae, dahil mahabagin si Yahweh sa kanya. Sila ay inilabas nila, at dinala sa labas ng lungsod. 17 Nang nailabas na sila, sinabi ng isa sa mga lalaki, "Tumakbo na kayo para sa inyong mga buhay! Huwag kayong lilingon o manatili saanman sa kapatagan. Magsitakas kayo patungo sa mga bundok para hindi kayo malipol. 18 Sinabi ni Lot sa kanila." Hindi, pakiusap aking mga panginoon! 19 Ang inyong lingkod ay nakatanggap ng pabor sa inyong paningin at pinakitaan ninyo kami ng dakilang kagandahang-loob sa pagligtas sa aking buhay, pero hindi ako makakatakas sa mga bundok dahil aabutan din ako ng sakuna at mamamatay ako.. 20 Tingnan ninyo, ang lungsod banda roon ay malapit at maliit lamang para makatakas kayo. Pakiusap, hayaan ninyo akong makatakas doon (diba maliit lamang iyon?), at ang buhay ko ay maliligtas." 21 Sinabi niya sa kanya, "Sige, pagbibigyan ko rin ang kahilingang ito, hindi ko rin wawasakin ang lungsod na nabanggit mo. 22 Bilisan mo! Tumakas ka na patungo roon, dahil hindi ko magagawa ang anumang bagay hangga't hindi ka nakararating doon." Kaya tinawag na Zoar ang lungsod na ito. 23 Mataas na ang araw sa mundo nang narating ni Lot ang Zoar. 24 Pagkatapos, nagpaulan sa Sodoma at Gomora ng asupre at apoy si Yahweh mula sa kalangitan. 25 Winasak niya ang mga lungsod na iyon, at lahat ng kapatagan at lahat ng naninirahan sa mga lungsod, pati na ang mga pananim na tumutubo sa lupa. 26 Pero lumingon ang asawa ni Lot na nasa likod niya at siya ay naging isang haligi ng asin. 27 Bumangon si Abraham nang maaga at nagpunta sa lugar kung saan siya tumayo sa harapan ni Yahweh. 28 Tumingin siya sa baba sa Sodoma at Gomora at sa lahat ng lupain ng kapatagan. Nakita niya at namasdan ang usok na umaakyat mula sa lupa na katulad ng usok sa isang pugon. 29 Kaya matapos wasakin ng Diyos ang mga lungsod sa kapatagan, naalala ng Diyos si Abraham. Inilabas niya si Lot mula sa gitna ng kapahamakan ng winasak niya ang mga lungsod kung saan nanirahan si Lot. 30 Pero nagpunta si Lot paakyat mula sa Zoar para manirahan sa kabundukan kasama ang kanyang dalawang anak na babae dahil natakot siyang manirahan sa Zoar. Kaya nanirahan siya sa loob ng kuweba kasama ng kanyang dalawang anak na babae. 31 Sinabi ng nakakatanda sa nakababata, "Matanda na ang ating ama at wala ng lalaki sa lugar na ito na sisiping sa atin katulad ng kinagawian ng mga tao sa buong mundo. 32 Halika ating painumin ng alak ang ating ama at sisipingan natin siya para mapalawig natin ang kaapu-apuhan ng ating ama. 33 Kaya, pinainom nila ang kanilang ama ng alak ng gabing iyon. Pagkatapos, pumasok ang nakatatanda at sumiping sa kanyang ama; hindi niya alam kung kailan siya humiga, ni kung kailan siya bumangon. 34 Kinabukasan, sinabi ng nakakatanda sa nakababata, "Makinig ka, sinipingan ko kagabi ang aking ama. Painumin ulit natin siya ng alak ngayong gabi, at ikaw naman ang papasok at sisiping sa kanya para mapalawig natin ang lahi ng ating ama." 35 Kaya ng gabing iyon, muli nilang pinainom ng alak ang kanilang ama, pumasok at sumiping sa kanya ang nakababata. Hindi niya alam kung kailan siya humiga ni kung kailan siya bumangon. 36 Kaya nabuntis ang parehong anak na babae ni Lot sa pamamagitan ng kanilang ama. 37 Ang nakakatanda ay nanganak ng isang lalaki at pinangalanan siyang Moab. Siya ang naging ninuno ng mga Moabita hanggang sa kasalukuyan. 38 At sa nakababatang anak na babae, siya rin ay nanganak ng isang lalaki, at pinangalanan siyang Ben Ammi. Naging ninuno siya ng mga mamamayan ng Ammon hanggang sa kasalukuyan.

Chapter 20

1 Naglakbay si Abraham mula roon patungo sa lupain ng Negeb, at nanirahan sa pagitan ng Kadesh at Sur. Isa siyang dayuhan na naninirahan sa Gerar. 2 Sinabi ni Abraham patungkol sa kanyang asawa na si Sarah, "Kapatid ko siya." Kaya nagpadala si Abimelech hari ng Gerar, ng kanyang mga tauhan at kinuha nila si Sarah. 3 Pero kinagabihan, pumunta ang Diyos kay Abimelech sa kanyang panaginip at sinabi sa kanya, "Masdan mo, ikaw ay mamamatay dahil sa babae na kinuha mo dahil siya ay asawa ng lalaki." 4 Ngayon, hindi nilapitan ni Abimelech si Sarah at sinabi niya, "Panginoon, papatayin mo rin ba ang matuwid na bansa? 5 Hindi ba sinabi niya mismo sa akin, 'Kapatid ko siya?'Kahit si Sarah, sinabi niya rin mismo sa akin na, 'Kapatid ko siya.' Nagawa ko ito sa katapatan ng aking puso at kamusmusan ng aking mga kamay." 6 Pagkatapos, sinabi ng Diyos sa kanya sa panaginip, "Oo, alam ko na sa katapatan ng iyong puso na nagawa mo ito at hindi ko hinayaang magkasala ka sa akin. Kaya hindi ko hinayaang mahawakan mo siya. 7 Kaya ibalik mo ang asawa ng lalaki, dahil siya ay isang propeta. Ipananalangin ka niya at mabubuhay ka. Pero kung hindi mo siya ibabalik, alam mo na ikaw at ang lahat ng nasa iyo ay tiyak na mamamatay." 8 Bumangon si Abimelech nang maaga at pinapunta ang lahat ng kanyang lingkod sa kanya. Sinabi niya ang lahat ng mga bagay na ito sa kanila, at matinding takot ang naramdaman ng kanyang mga lingkod. 9 Pagkatapos, tinawag ni Abimelech si Abraham at sinabi sa kanya," Ano itong ginawa mo sa amin? Paano ako nagkasala sa iyo, na nagdala ka sa akin at sa aking kaharian ng matinding kasalanan? Ginawa mo sa akin ang hindi dapat gawin." 10 Sinabi ni Abimelech kay Abraham, "Ano ang nagtulak sa iyo na gawin mo ang bagay na ito?" 11 Sumagot si Abraham, "Dahil naisip ko, 'Tiyak na walang kinatatakutan na Diyos ang mga tao sa lugar na ito at papatayin nila ako dahil sa aking asawa.' 12 Bukod pa rito, tunay na siya ay kapatid ko, ang anak na babae ng aking ama, pero hindi anak ng aking ina; at siya ay aking naging asawa. 13 Nang pinaalis ako ng Diyos sa bahay ng aking ama at naglakbay mula sa ibat-ibang lugar, sinabi ko kanya, 'Dapat mong ipakita ang katapatang ito sa akin bilang aking asawa: Sa bawat lugar na pupuntahan natin, sabihin mo na "'Kapatid ko siya.'''' 14 Pagkatapos, kumuha si Abimelech ng mga tupa at mga baka, mga aliping lalaki at mga babae at ibinigay ang mga ito kay Abraham. Pagkatapos, ibinalik niya sa kanya si Sarah na asawa ni Abraham. 15 Sinabi ni Abimelech, "Tingnan mo, nasa harapan mo ang lupain ko. Manirahan ka kung saan mo naisin. 16 Kay Sarah sinabi niya. "Tingnan mo, binigyan ko ang iyong kapatid ng isang libong piraso ng pilak. Pantakip ito sa mga kamalian laban sa iyo sa mga mata ng lahat ng kasama mo, at sa harapan ng lahat, tuluyan kang ginawang matuwid." 17 Pagkatapos, nanalangin si Abraham sa Diyos at pinagaling ng Diyos si Abimelech, ang kanyang asawa, at kanyang mga babaeng alipin para sila ay tuluyan ng magkaroon ng anak. 18 Dahil hinayaan ni Yahweh na ganap na hindi magkaanak ang lahat ng mga babae sa sambayanan ni Abimelech, dahil kay Sarah, na asawa ni Abraham.

Chapter 21

1 Binigyang pansin ni Yahweh si Sara gaya ng sinabi niya at tinupad ni Yahweh ang kanyang pangako kay Sara. 2 Nabuntis at nagsilang ng isang anak na lalaki si Sara para kay Abraham sa kanyang katandaan, sa itinakdang panahong sinabi ng Diyos sa kanya. 3 Pinangalanan ni Abraham bilang Isaac ang kanyang anak na lalaki, siya na isinilang sa kaniya, na isinilang ni Sara para sa kanya. 4 Tinuli ni Abraham ang kanyang anak na si Isaac nang ito ay walong araw na gulang, ayon sa iniutos ng Diyos sa kanya. 5 Si Abraham ay isandaang taong gulang nang isilang si Isaac sa kanya. 6 Sinabi ni Sara, "Pinatawa ako ng Diyos; tatawa ang bawat isang makakarinig kasama ko." 7 Sinabi rin niya, "Sinong makapagsasabi kay Abraham na si Sara ay magaalaga ng mga anak, at gayunpaman nagsilang ako sa kanya ng isang anak na lalaki sa kanyang katandaan!" 8 Lumaki ang bata at hiniwalay na sa kanyang ina, at naghanda si Abraham ng isang malaking pagdiriwang sa araw na hiniwalay na si Isaac sa kayang ina. 9 Nakita ni Sara na nangungutya ang anak ni Agar na taga-Ehipto, na isinilang niya kay Abraham. 10 Kaya sinabi niya kay Abraham, "Palayasin mo ang babaeng aliping ito kasama ang kanyang anak: dahil hindi magiging tagapagmana ang anak ng babaeng aliping iyan kasama ng anak kong si Isaac." 11 Ang bagay na ito ay labis na nagpalungkot kay Abraham dahil sa kanyang anak. 12 Ngunit sinabi ng Diyos kay Abraham, "Huwag kang malungkot dahil sa batang lalaki, at dahil sa iyong babaeng lingkod. Pakinggan mo ang lahat ng sinasabi niya tungkol sa bagay na ito, dahil sa pamamagitan ni Isaac makikilala ang mga kaapu-apuhan mo. 13 Gagawin ko ring isang bansa ang anak ng babaeng lingkod, dahil siya ay iyong anak. 14 Maagang bumangon si Abraham, kumuha siya ng tinapay at isang lalagyang tubig at nilagay ito sa balikat ni Agar. Dinala niya ang batang lalaki sa kanya at pinaalis siya. Umalis siya at nagpagala-gala sa ilang na lugar ng Beer-seba. 15 Pagkaubos ng tubig sa lalagyang balat, iniwan niya ang bata sa ilalim ng isang mababang puno. 16 Pagkatapos umalis siya at naupo sa di kalayuan mula sa kanya, na parang isang tudla ng pana ang layo, dahil ang sabi niya, "Huwag ko sanang makita ang kamatayan ng bata." Habang nakaupo siya roon sa kabila ng bata, nilakasan niya ang kaniyang boses at humagulgol siya sa iyak. 17 Narinig ng Diyos ang boses ng bata, at tumawag ang anghel ng Diyos kay Agar mula sa langit, at sinabi sa kanya, "Anong gumagambala sa iyo, Agar? Huwag kang matakot, sapagkat narinig ng Diyos ang boses ng bata mula sa kanyang kinaroroonan. 18 Tumayo ka, ibangon mo ang bata at patatagin siya; sapagkat gagawin ko siyang isang dakilang bansa." 19 Pagkatapos minulat ng Diyos ang mga mata ni Agar at nakakita siya ng isang balon ng tubig. Pinuntahan niya ito at pinuno ng tubig ang lalagyang gawa sa balat at pinainom ang bata. 20 Sinamahan ng Diyos ang bata, at lumaki siya. Nanirahan siya sa ilang at naging isang mamamana. 21 Namuhay siya sa ilang ng Paran, at kumuha ng mapapangasawa niya ang kaniyang ina mula sa lupain ng Ehipto. 22 Sa panahong iyon kinausap nila Abimelek at Ficol na kapitan ng kanyang hukbo si Abraham at sinabing, "Kasama mo ang Diyos sa lahat ng iyong ginagawa. 23 Kaya ngayon manumpa ka sa Diyos, na hindi mo ako gagawan ng masama, ni ang aking mga anak, ni ang aking mga kaapu-apuhan. Ipakita mo sa akin at sa lupain kung saan ka naninirahan ang parehong katapatan sa kasunduan na ipinakita ko sa iyo." 24 "Nangangako ako" sagot ni Abraham. 25 Nagreklamo rin si Abraham kay Abimelek patungkol sa balon ng tubig na inagaw mula sa kanya ng mga lingkod ni Abimelek. 26 Sinabi ni Abimelek, "Hindi ko alam kung sino ang gumawa ng bagay na ito. Hindi mo ito sinabi sa akin liban ngayon; hindi ko ito narining kundi ngayon." 27 Kaya kumuha si Abraham ng tupa at mga lalaking baka at binigay ang mga ito kay Abimelek, at gumawa ang dalawa ng isang kasunduan. 28 Pagkatapos nagbukod si Abraham ng pitong mga babaeng tupa ng kawan. 29 Sinabi ni Abimelek kay Abraham, "Anong kahulugan nitong pitong babaeng tupang ibinukod mo?" 30 Sumagot siya, "Matatanggap mo mula sa aking kamay itong pitong babaing tupa, upang maging saksi para sa akin, na hinukay ko ang balong ito." 31 Kaya tinawag niya ang lugar na iyong Beer-seba, dahil doon sila kapwa nagsumpaan ng isang kasunduan. 32 Gumawa sila ng isang kasunduan sa Beer-seba, at pagkatapos bumalik si Abimelek at Ficol, ang kapitan ng kanyang hukbo sa lupain ng mga Filisteo. 33 Nagtanim si Abraham ng puno ng tamarisko sa Beer-seba. Doon sinamba niya si Yahweh, ang Diyos na walang hanggan. 34 Namalagi si Abraham bilang isang dayuhan sa lupain ng mga Filisteo nang maraming araw.

Chapter 22

1 Nangyari na pagkatapos ng mga bagay na ito na sinubok ng Diyos si Abraham. Sinabi niya sa kanya, "Abraham!" Sumagot si Abraham, "Narito ako." 2 Pagkatapos sinabi ng Diyos, "Kunin mo ang iyong anak, ang kaisa-isa mong anak, na iyong minamahal, si Isaac, at pumunta ka sa lupain ng Moria. Ialay mo siya roon bilang handog na susunugin sa ibabaw ng isa sa mga bundok na ituturo ko sa iyo." 3 Kaya maagang bumangon kinaumagahan si Abraham, inihanda ang kanyang asno, at isinama ang dalawa sa kanyang mga kabataang lalaki, kasama si Isaac na kanyang anak. Nagsibak siya ng kahoy para sa handog na susunugin, at naglakbay patungo sa lugar na sinabi ng Diyos sa kanya. 4 Sa ikatlong araw, tumingala si Abraham at natanaw niya ang lugar sa kalayuan. 5 Sinabi ni Abraham sa kanyang mga kabataang lalaki, "Manatili kayo rito kasama ang asno, at pupunta ako roon kasama ang bata. Sasamba kami at muling babalik sa inyo." 6 Pagkatapos kinuha ni Abraham ang kahoy para sa handog na susunugin at ipinapasan ito kay Isaac na kanyang anak. Dinala niya sa kanyang kamay ang apoy at ang kutsilyo; at kapwa silang umalis na magkasama. 7 Kinausap ni Isaac si Abraham na kaniyang ama at sinabing, "Aking ama," at sumagot si Abraham, "Narito ako, aking anak." Sinabi niya, "Narito, ang apoy at ang kahoy, ngunit nasaan ang tupa para sa handog na susunugin?" 8 Sinabi ni Abraham, "Ang Diyos mismo ang magbibigay ng tupa para sa handog na susunugin, aking anak." Kaya sila ay nagpatuloy nang magkasama. 9 Nang dumating sila sa lugar na sinabi ng Diyos sa kanya, gumawa si Abraham ng isang altar at inilatag niya ang kahoy dito. Pagkatapos tinalian ni Abraham si Isaac na kanyang anak, at inilagay niya ito sa altar, sa ibabaw ng kahoy. 10 Iniunat ni Abraham ang kanyang kamay na hawak ang kutsilyo para patayin ang kanyang anak. 11 Pero tinawag siya ng anghel ni Yahweh mula sa langit at sinabing, "Abraham, Abraham!" at sinabi niya, "Narito ako." 12 Sinabi niya, "Huwag mong pagbuhatan ng kamay, ni gumawa ng anuman para saktan siya, sapagkat ngayon alam kong may takot ka sa Diyos, nakikita kong hindi mo ipinagkait ang iyong anak, ang iyong kaisa-isang anak na si Isaac sa akin. 13 Tumingala si Abraham nang biglang, may isang tupa sa likuran niya ang sumabit ang sungay sa mga halaman. Pinuntahan at kinuha ni Abraham ang tupa at inalay ito bilang handog na susunugin sa Diyos sa halip na ang kanyang anak. 14 Kaya tinawag ni Abraham ang lugar na iyon na, "Si Yahweh ang magbibigay," at tinatwag din hanggang sa araw na ito, "Sa bundok ni Yaweh, ito ay ibibigay." 15 Tinawag ng anghel ni Yahweh si Abraham sa ikalawang pagkakataon mula sa langit 16 at sinabing—ito ay isang kapahayagan mula kay Yahweh, "Nangangako ako sa aking sarili na dahil ginawa mo ang bagay na ito, at dahil hindi mo ipinagkait ang iyong anak, ang iyong kaisa-isang anak, 17 tiyak na pagpapalain kita at labis kong pararamihin ang iyong mga kaapu-apuhan gaya ng bituin sa kalangitan, at gaya ng buhangin sa dalampasigan; at aangkinin ng iyong mga kaapu-apuhan ang tarangkahan ng kanilang mga kaaway. 18 Sa pamamagitan ng iyong anak, ang lahat ng mga bansa sa mundo ay pagpapalain, dahil sinunod mo ang aking tinig. 19 Kaya bumalik si Abraham sa kanyang mga tauhan, at umalis sila at magkakasamang pumunta sa Beer-seba, at nanirahan siya sa Beer-seba. 20 Nangyari na pagkatapos ng mga bagay na ito, sinabihan si Abraham, "Nagkaroon din ng mga anak si Milca, sa iyong kapatid na si Nahor. 21 Sila ay sina Hus ang kanyang panganay, si Buz na kapatid niya, si Kemuel na ama ni Aram, 22 Kesed, Hazo, Pildas, Jidlaf, at Bethuel. 23 Si Bethuel ay naging ama ni Rebeca. May walong anak na isinilang si Milca kay Nahor, na kapatid ni Abraham. 24 Nagsilang din si Reumah ang pangalan ng isa pang asawa ni Nahor, sina Tebah, Gaham, Tahas at Maaca.

Chapter 23

1 Nabuhay si Sara ng isandaan at dalawampu't-pitong taon. Ito ang mga taon ng buhay ni Sara. 2 Namatay si Sara sa Kiriat Arba, iyon ay, Hebron, sa lupain ng Canaan. Nagluksa at umiyak si Abraham para kay Sara. 3 Pagkatapos, tumayo si Abraham at umalis mula sa namatay niyang asawa, at nakipag-usap sa mga anak na lalaki ni Het, na nagsabing, 4 "Ako ay isang dayuhan sa inyo. Pakiusap bigyan ninyo ako ng isang ari-arian para gawing libingan dito, para mailibing ko ang aking patay." 5 Sumagot ang mga anak ni Heth kay Abraham, nagsasabing, 6 "Makinig ka sa amin, aking panginoon. Ikaw ay prinsipe ng Diyos sa amin. Ilibing mo ang iyong patay sa aming piling mga libingan. Wala sa amin ang magkakait sa iyo ng libingan, para ilibing ang iyong patay." 7 Tumayo si Abraham at yumuko sa mga mamamayan ng lupain, sa mga anak ni Het. 8 Nagsalita siya sa kanila, na nagsabing, "Kung sumasang-ayon kayo na dapat kong ilibing ang aking patay, dinggin ninyo ako at pakiusapan si Efron na anak ni Zohar, para sa akin. 9 Pakiusapan ninyo siyang ipagbili sa akin ang kuweba ng Makpela, na kanyang pagmamay-ari, na nasa dulo ng kanyang bukid. Para sa buong halaga hayaan niyang ipagbili ito sa akin nang hayagan bilang ari-arian para gawing libingan." 10 Ngayon nakaupo si Efron kasama ang mga anak ni Het, at sumagot si Efron ang Heteo kay Abraham habang naririnig ng mga anak ni Het at ng lahat ng mga taong pumunta sa loob ng tarangkahan ng siyudad, na nagsabing, 11 "Hindi, aking panginoon, pakinggan mo ako. Ibibigay ko sa iyo ang bukid, at ang kuwebang narito. Ibibigay ko ito sa iyo, sa harapan ng mga anak ng aking mga kababayan. Ibibigay ko ito sa iyo para mapaglibingan ng iyong patay." 12 Pagkatapos yumuko si Abraham sa harapan ng mga mamamayan ng lupain. 13 Kinausap niya si Ephron na naririnig ng mga tao sa lupain, na nagsasabing, "Ngunit kung papayag ka, pakiusap dinggin mo ako. Babayaran ko ang bukid. Tanggapin mo ang pera mula sa akin, at doon ko ililibing ang aking patay." 14 Sumagot si Ephron kay Abraham, na nagsasabing, 15 "Pakiusap, aking panginoon, makinig ka sa akin. Ang pirasong lupain na nagkakahalagang apatnaraang shekel ng pilak, ano ba ito sa pagitan natin? Ilibing mo na ang iyong patay." 16 Nakinig si Abraham kay Efron at tinimbang ni Abraham sa harap ni Efron ang halaga ng pilak na kanyang sinasabi na naririnig ng mga anak ni Het, apatnaraang shekel ng pilak, ayon sa pamantayang panukat ng mga mangangalakal. 17 Kaya ang bukid ni Ephron, na nasa Macpela, na katabi ng Mamre, ang bukid, ang kuweba na nasa loob nito, at ang lahat ng mga punong naroon sa bukid at lahat ng nasa palibot ng hangganan, ay ipinasa 18 kay Abraham sa pamamagitan ng pagbili sa harapan ng mga anak ni Het, at sa harapan ng lahat ng mga pumunta sa loob ng tarangkahan ng lungsod. 19 Pagkatapos nito, inilibing ni Abraham ang kanyang asawang si Sara sa kuweba sa bukid ng Macpela, na katabi ng Mamre, iyon ay, Hebron, sa lupain ng Canaan. 20 Kaya ang bukid at ang kuwebang naroon ay naipasa kay Abraham mula sa mga anak ni Het bilang ari-arian upang gawing libingan.

Chapter 24

1 Ngayon, matanda na si Abraham at pinagpala ni Yahweh si Abraham sa lahat ng mga bagay. 2 Sinabi ni Abraham sa kanyang lingkod, ang pinakamatanda sa kanyang sambahayan, ang kaniyang katiwala sa lahat ng pag-aari niya, "Ilagay mo ang iyong kamay sa ilalim ng aking hita 3 at pasusumpain kita kay Yahweh, ang Diyos ng langit at ang Diyos ng lupa, na hindi ka kukuha ng asawa para sa aking anak na lalaki mula sa mga anak na babae ng mga Cananeo, kung saan ako nanahan. 4 Ngunit pumunta ka sa aking bansa, at sa aking mga kamag-anak, at kumuha ng isang asawa para sa aking anak na si Isaac." 5 Sinabi ng lingkod sa kanya, "Paano kung hindi pamayag na sumama sa akin ang babae papunta sa lupaing ito? Dapat ko bang dalhin pabalik ang iyong anak sa lupain kung saan ka nanggaling? 6 Sinabi ni Abraham sa kanya, "Tiyakin mong hindi mo dadalhin ang aking anak pabalik doon! 7 Si Yahweh, ang Diyos ng langit, na kumuha sa akin mula sa tahanan ng aking ama at mula sa lupain ng aking mga kamag-anak, siya na taimtim na nangako sa aking, 'Ibibigay ko ang lupaing ito sa iyong supling,' ipapadala niya ang kanyang anghel para manguna sa iyo, at kukuha ka ng asawa para sa aking anak mula roon. 8 Ngunit kung hindi papayag ang babae na sumunod sa iyo, kung gayon magiging malaya ka mula sa kasunduang kong ito. Huwag mo lang dalhin pabalik doon ang aking anak. 9 Kaya niligay ng lingkod ni Abraham ang kanyang kamay sa ilalim ng hita ng kanyang among si Abraham at nanumpa sa kanya patungkol sa bagay na ito. 10 Kinuha ng lingkod ang sampung kamelyo ng kanyang amo at umalis. Nagdala rin siya ng lahat ng uri ng mga regalo mula sa kanyang amo. Umalis siya at pumunta sa rehiyon ng Aram Naharaim, sa siyudad ni Nahor. 11 Pinaluhod niya ang mga kamelyo sa gilid ng balon ng tubig sa labas ng siyudad. Gabi na iyon, ang oras na lumalabas ang mga babae upang sumalok ng tubig. 12 Pagkatapos sinabi niya, "Yahweh, Diyos ng aking among si Abraham, bigyan mo ako ngayon ng tagumpay at ipakita ang iyong tipan ng katapatan sa aking among si Abraham. 13 Masdan, narito akong nakatayo sa tabi ng bukal ng tubig, at dumarating ang mga babaing anak ng mga tao ng siyudad upang sumalok ng tubig. 14 Ganito nawa ang mangyari. Kapag sabihin ko sa isang dalaga, 'Pakiusap ibaba mo ang iyong pitsel upang makainom ako,' at sabihin niya sa akin, 'Uminom ka, at paiinumin ko rin ang iyong mga kamelyo,' pagkatapos ay hayaang siya na nga ang babaing iyong itinakda para sa iyong lingkod na si Isaac. Sa pamamgitan nito malalaman kong nagpakita ka ng tipan ng katapatan sa aking amo." 15 Nangyari na bago paman siya natapos sa pagsasalita, masdan, lumabas si Rebeca na may dalang pitsel ng tubig sa kanyang balikat. Ipinanganak si Rebeca kay Bethuel na lalaking anak ni Milca, na asawa ni Nahor, na lalaking kapatid ni Abraham. 16 Ang dalaga ay napakaganda at isang birhen. Wala pang lalaki ang sumiping sa kanya. Pumunta ang babae sa bukal at pinuno ang kanyang pitsel, at umahon. 17 Tumakbo ang lingkod upang salubungin siya at sinabing, "Pakiusap bigyan mo ako ng kaunting inuming tubig mula sa iyong pitsel. 18 Sinabi niya, "Uminon ka, aking amo," at agad niyang ibinaba ang pitsel na nasa kanyang kamay, at pinainom siya. 19 Nang natapos niya siyang painumin, sinabi niya, sasalok din ako ng tubig para sa iyong mga kamelyo, hanggang sa makainom na ang lahat. 20 Kaya nagmadali siya at ibinuhos ang laman ng kanyang pitsel papunta sa inuman ng mga hayop, at tumakbong muli patungo sa balon upang sumalok ng tubig, at sumalok ng tubig para sa lahat ng kanyang mga kamelyo. 21 Tahimik na pinanood siya ng lalaki upang makita kung pinagpala ni Yahweh ang kanyang paglalakbay o hindi. 22 Nang natapos sa pag-inom ang mga kamelyo, inilabas ng lalaki ang isang gintong singsing sa ilong na tumitimbang ng kalahating siklo, at dalawang gintong pulseras para sa kanyang mga braso na tumitimbang ng sampung siklo 23 at nagtanong, "Kaninong anak ka? Pakiusap sabihin mo sa akin, mayroon bang silid ang bahay ng ama mo na maaari naming pagpalipasan ng gabi?" 24 Sinabi niya sa kanya, "Anak ako ni Bethuel na lalaking anak ni Milcah, na ipinanganak niya kay Nahor." 25 Sinabi rin niya sa kanya, "Marami kami ng kapwa dayami at pagkain ng hayop, at may silid din para kayo magpalipas ng gabi." 26 Pagkatapos yumuko ang lalaki at sumamba kay Yahweh. 27 Sinabi niya, "Pagpalain si Yahweh, ang Diyos ng aking among si Abraham, na hindi pinabayaan ang kanyang tipan ng katapatan at kanyang pagiging mapagkakatiwalaan patungo sa aking amo. Para sa akin, tuwiran akong pinangunahan ni Yahweh sa bahay ng mga kamag-anak ng aking amo." 28 Pagkatapos tumakbo ang dalaga at sinabi sa sambahayan ng kanyang ina ang tungkol sa lahat ng bagay na ito. 29 Ngayon si Rebeca ay mayroong isang kapatid na lalaki, at ang pangalan niya ay Laban. Tumakbo si Laban papunta sa lalaki na naroon sa labas sa daan sa tabi ng bukal. 30 Nang nakita niya ang singsing sa ilong at ang mga pulseras na nasa kamay ng kanyang kapatid na babae, at nang narinig niya ang mga salita ni Rebeca na kanyang kapatid, "Ito ang sinabi ng lalaki sa akin," pumunta siya sa lalaki, at masdan, nakatayo siya sa tabi ng mga kamelyong nasa bukal. 31 At sinabi ni laban, "Halika, ikaw na pinagpala ni Yahweh. Bakit ka nakatayo riyan sa labas? Inihanda ko ang bahay, at isang lugar para sa mga kamelyo." 32 Kaya pumunta ang lalaki sa bahay at diniskargahan niya ng mga kamelyo. Binigyan ang mga kamelyo ng dayami at pagkain ng hayop, naglaan ng tubig upang hugasan ang kanyang mga paa at ang mga paa ng mga lalaking kasama niya. 33 Naglapag sila ng pagkain sa harapan niya upang kainin, ngunit sinabi niya, "Hindi ako kakain hanggang sa masabi ko ang kailangan kong sabihin." Kaya sinabi ni Laban, "Magsalita ka". 34 Sinabi niya, "Lingkod ako ni Abraham. 35 Pinagpala ng lubos ni Yahweh ang aking amo at naging dakila siya. Binigyan siya ng mga kawan at mga pangkat ng hayop, pilak at ginto, mga lingkod na lalaki at mga lingkod na babae, at mga kamelyo at mga asno. 36 Si Sara, ang asawa ng aking amo, ay nagsilang ng isang anak na lalaki sa aking amo nang siya ay matanda na, at ibinigay niya ang lahat ng kanyang mga aria-arian sa kanya. 37 Pinanumpa ako ng aking amo, nagsasabing, "Hindi ka dapat kumuha ng isang asawa para aking anak mula sa mga babaeng anak ng mga Cananeo, sa lupaing ginagawa kong tahanan. 38 Sa halip, dapat kang pumunta sa pamilya ng aking ama, at sa aking mga kamag-anak, at kumaha ng isang asawa para sa aking anak.' 39 Sinabi ko sa aking amo, 'Baka hindi susunod sa akin ang babae.' 40 Ngunit sinabi niya sa akin, 'Si Yahweh, na aking sinusunod, ay magpapadala ng kanyang anghel na makakasama mo at siya ay papatnubayan ang landas mo, upang makakakuha ka ng isang asawa para sa aking anak mula sa aking mga kamag-anak at mula sa linya na pamilya ng aking ama. 41 Ngunit magiging malaya ka lamang mula sa aking tagubilin kung darating ka sa aking mga kamag-anak at hindi nila siya ibibigay sa iyo. Sa gayon magiging malaya ka mula sa aking kasunduan.' 42 Kaya dumating ako ngayon sa bukal, at sinabi, 'O Yahweh, Dios ng aking among si Abraham, pakiusap, kung tunay na nais mong magtagumpay ang aking paglalakbay— 43 narito ako, nakatayo sa gilid ng bukal ng tubig—hayaang ang babaing lumabas para sumalok ng tubig, ang babaing sasabihan kong, "Pakiusap bigyan mo ako ng kaunting tubig mula sa iyong pitsel upang inumin," 44 ang babaing magsasabi sa akin, "Uminom ka, at sasalok din ako ng tubig para sa iyong mga kamelyo"—hayaang siya na nga ang babaing pinili mo, Yahweh, para sa anak ng aking amo.' 45 Bago pa man ako natapos mangusap sa aking puso, masdan, lumabas si Rebeca dala ang pitsel na pasan sa kanyang balikat at bumaba patungong bukal at sumalok ng tubig. Kaya sinabi ko sa kanya, 'Pakiusap bigyan mo ako ng maiinom.' 46 Agad niyang ibinaba ang kanyang pitsel mula sa kanyang balikat, at nagsabing, "Uminom ka, at bibigyan ko rin ng tubig ang iyong mga kamelyo.' Kaya uminom ako, at pinainom niya rin ang mga kamelyo. 47 Tinanong ko siya at sinabing, 'Kaninong anak ka?' Sinabi niya, 'Ang babaing anak ni Bethuel, na lalaking anak ni Nahor, na isinilang ni Milcah sa kanya.' Pagkatapos inilagay ko ang singsing sa kanyang ilong at ang pulseras sa kanyang mga braso. 48 Pagkatapos lumuhod ako at sinamba si Yahweh, at pinagpala si Yahweh, ang Diyos ng aking among si Abraham, ang siyang nanguna sa akin sa tamang landas upang matagpuan ang babaing anak ng kamag-anak ng aking amo para sa kanyang anak. 49 Kaya ngayon, kung handa kayong pakitunguhan ang aking amo ng pampamilyang katapatan at pagtitiwala, sabihin ninyo sa akin. Ngunit kung hindi, sabihin ninyo sa akin, upang lumiko ako sa kanang kamay, o sa kaliwa." 50 Pagkatapos sumagot si Laban at Bethuel at sinabing, "Ang bagay na ito ay nagmula kay Yahweh; hindi kami makapagsasabi sa iyo ng masama o mabuti. 51 Masdan, nasa harapan mo si Rebeca. Dalhin mo siya at humayo, upang siya ay maging asawa ng anak ng iyong amo, gaya ng sinabi ni Yahweh." 52 Nang narinig ng lingkod ni Abraham ang lahat ng kanilang mga salita, iniyuko niya pababa ang kanyang sarili sa lupa kay Yahweh. 53 Inilabas ng lingkod ang mga kagamitang pilak at mga kagamitang ginto, at damit, at binigay ang mga ito kay Rebeca. Nagbigay din siya ng mga mamahaling regalo sa kapatid niyang lalaki at sa kanyang ina. 54 Pagkatapos kumain at uminom siya at ang mga lalaking kasama niya. Nanatili sila roon magdamag, at nang bumangon sila sa umaga, sinabi niya, "Ipadala na ninyo ako sa aking amo." 55 Sinabi ng kanyang kapatid na lalaki at ng kanyang ina, "Hayaan mo munang manatili kasama namin ang dalaga ng mga ilang araw pa, kahit sampu. Pagkatapos niyan maaari na siyang umalis." 56 Ngunit sinabi niya sa kanila, "Huwag ninyo akong hadlangan, yamang pinagpala ni Yahweh ang aking landas. Ipadala na ninyo ako sa aking landas upang makapunta sa aking amo." 57 Sinabi nila, "Tatawagin namin ang dalaga at tatanungin siya." 58 Kaya tinawag nila si Rebeca at tinanong siya, "Sasama ka ba sa lalaking ito?" Sumagot siya, "Sasama ako." 59 Kaya pinadala nila ang kanilang kapatid na si Rebeca, kasama ang kanyang babaing lingkod, sa kanyang paglalakbay kasama ang lingkod ni Abraham at kanyang mga kasamahang lalaki. 60 Pinagpala nila si Rebeca, at sinabi sa kanya, "Aming kapatid, nawa maging ina ka ng mga libu-libo ng sampung libo, at nawa ang iyong mga kaapu-apuhan ay angkinin ang tarangkahan ng mga galit sa kanila." 61 Pagkatapos tumayo si Rebeca, at siya at ang kanyang mga lingkod na babae ay sumakay sa mga kamelyo, at sumunod sa lalaki. Kaya kinuha ng lingkod si Rebeca, at lumakad na sa kanyang landas. 62 Ngayon naninirahan si Isaac sa Negev, at kababalik lang galing Beerhalohai. 63 Lumabas si Isaac upang magnilaynilay sa bukid sa gabi. Nang tumingala siya at nakita, masdan, mayroong mga kamelyong parating! 64 Tumingin si Rebeca, at nang nakita niya si Isaac, tumalon siya pababa mula sa kamelyo. 65 Sinabi niya sa lingkod, sino iyong lalaking naglalakad sa bukid upang salubungin tayo?" Sinabi ng lingkod, "Iyon ang aking amo." Kaya kinuha niya ang kanyang belo, at tinakpan ang sarili. 66 Isinalaysay ng lingkod kay Isaac ang lahat ng mga bagay na kanyang ginawa. 67 Pagkatapos dinala ni Isaac si Rebeca sa loob tolda ng kanyang inang si Sara at kinuha si Rebeca, at siya ay naging kanyang asawa, at siya ay minahal niya. Kaya naginhawahan si Isaac matapos ang kamatayan ng kanyang ina.

Chapter 25

1 Kumuha ng isa pang asawa si Abraham; ang kanyang pangalan ay Keturah. 2 Isinilang niya sina Zimran, Jokshan, Medan, Midian, Ishbak, at si Shuah. 3 Si Jokshan ay naging ama nina Sheba at Dedan. Ang mga kaapu-apuhan ni Dedan ay ang lahi ng Assyria, ang lahi ng Letush at ang lahi ng Leum. 4 Ang mga anak na lalaki ni Midian ay sina Ephah, Epher Hanoch, Abida at si Eldaah. Lahat ng mga ito ay mga kaapu-apuhan ni Keturah. 5 Ibinigay ni Abraham ang lahat ng kanyang pag-aari kay Isaac. 6 Subalit, habang siya ay nabubuhay pa, nagbigay siya ng mga regalo sa kanyang mga anak na lalaki sa kanyang mga kerida at pinadala sila sa lupain ng silangan, malayo mula sa kanyang anak na si Isaac. 7 Ito ang naging mga araw ng mga taon sa buhay ni Abraham na kanyang ibinuhay, 175 na mga taon. 8 Inihinga ni Abraham ang kanyang huli at namatay sa isang kalugud-lugud na katandaan, isang matandang lalaking puno ng buhay. At siya ay natipon sa kanyang bayan. 9 Sina Isaac at Ismael, na kanyang mga anak, ay inilibing siya sa kuweba ng Macpela, sa lupain ni Epron na anak na lalaki ni Zohar na mga anak ni Heth, na malapit sa Mamre. 10 Ang lupang ito ay binili ni Abraham mula sa mga anak na lalaki ni Heth. Si Abraham ay inilibing doon kasama ng kanyang asawang si Sara. 11 Pagkatapos ng kamatayan ni Abraham, pinagpala ng Diyos si Isaac na kanyang anak, at si Isaac ay nanirahan malapit sa Beer-lahai-roi. 12 Ngayon ang mga ito ay ang mga kaapu-apuhan ni Ismael, na anak na lalaki ni Abraham, kay Hagar na taga Ehipto, na lingkod ni Sara, nagsilang mula kay Abraham. 13 Ang mga ito ay ang mga pangalan ng mga anak na lalaki ni Ismael, ayon sa pagkakasunud-sunud ng kapanganakan: Nebayot—ang panganay ni Ismael, Kedar, Abdeel, Mibsam, 14 Misma, Duma, Massa, 15 Hadad, Tema, Jetur, Nafis at Kedama. 16 Ito ang mga anak na lalaki ni Ismael, at ang mga ito ay ang kanilang mga pangalan, ayon sa kanilang mga nayon, at sa kanilang mga kampo; labindalawang prinsipe ayon sa kanilang mga tribu. 17 Ang mga ito ay ang mga taon sa buhay ni Ismael, 137 na mga taon: inihinga niya ang kanyang huli at namatay, at natipon sa kanyang bayan. 18 Sila ay nanirahan mula sa Havila hanggang Shur, na malapit sa Ehipto, nagkaisa sila na pumunta sa Assyria. Nanirahan silang may poot sa bawat isa. 19 Ang mga ito ay ang mga pangyayari patungkol kay Isaac, na anak na lalaki ni Abraham: Si Abraham ang naging ama ni Isaac. 20 Si Isaac ay apatnapung taong gulang nang mapangasawa niya si Rebeca, na anak na babae ni Bethuel ang Arameo ng Padan-aram, ang kapatid na babae ni Laban na Arameo. 21 Nagdasal si Isaac kay Yahweh para sa kanyang asawa dahil wala itong anak, at sinagot ni Yahweh ang kanyang dasal, at si Rebeca na kanyang asawa ay nabuntis. 22 Ang mga bata ay magkasamang nagtunggali sa loob niya at sinabi niya, "Bakit ito nangyayari sa akin?" Tinanong niya si Yahweh tungkol dito. 23 Sinabi ni Yahweh sa kanya, "Dalawang bansa ang nasa iyong sinapupunan, at dalawang bayan ang mahihiwalay mula sa iyong loob. Isang bayan ang magiging mas malakas kaysa sa isa, at ang nakatatanda ay maglilingkod sa nakababata." 24 Nang oras na para siya ay manganak, masdan mo, mayroong kambal sa kanyang sinapupunan. 25 At ang unang lumabas ay nababalutan ng pula gaya ng mabalahibong damit. Tinawag nila siya sa kanyang pangalan na Esau. 26 Pagkatapos noon, ang kanyang kapatid ay lumabas. Ang kanyang kamay ay nakakapit sa sakong ni Esau. Siya ay tinawag na Jacob. Si Isaac ay animnapung taong gulang nang ang kanyang asawa ay nagsilang sa kanila. 27 Ang mga bata ay lumaki na, at si Esau ay naging mahusay na mangangaso, isang taong sanay sa gubat; subalit si Jacob ay isang tahimik na tao, na ginugugul ang kanyang oras sa mga tolda. 28 Ngayon minahal ni Isaac si Esau dahil nakakain nya ang mga hayop na kanyang nahuli, subalit si Rebeca ay minahal si Jacob. 29 Si Jacob ay nagluto ng nilaga. Dumating si Esau mula sa gubat, at siya ay nanghihina sa gutom. 30 Sinabi ni Esau kay Jacob, "Pakainin mo ako niyang mapulang nilaga. Pakiusap, ako ay pagod!" Kaya iyon ang dahilan na ang kanyang pangalan ay tinawag na Edom. 31 Sinabi ni Jacob, "Ipagbili mo muna sa akin ang iyong karapatan bilang panganay." 32 Sabi ni Esau "Tingnan mo, ako ay halos mamamatay na. Ano ang kabutihan ng karapatan ng unang isinilang sa akin?" 33 Sinabi ni Jacob, "Manumpa ka muna sa akin." Kaya sumumpa si Esau at sa ganung paraan ipinagbili niya kay Jacob ang kanyang karapatan ng unang pagkasilang. 34 Binigyan ni Jacob si Esau ng tinapay at nilagang mga lentil. Siya ay kumain at uminom, pagkatapos ay tumayo at nagpatuloy sa kanyang lakad. Sa ganitong paraan kinamuhian ni Esau ang kanyang karapatan ng unang isinilang.

Chapter 26

1 Ngayon, may taggutom sa lupain, bukod pa sa naunang taggutom na nagkaroon sa panahon ni Abraham. Pumunta si Isaac kay Abimelec, ang hari ng Filisteo sa Gerar. 2 Ngayon nagpakita si Yahweh sa kanya at sinabi, "Huwag kang pumunta sa Ehipto; tumira ka sa lugar na sinabi ko na iyong pagtirhan. 3 Manatili ka sa lugar na ito, at ako ay sumasainyo at pagpapalain ko kayo; para sa iyo at sa iyong mga kaapu-apuhan, ibibigay ko ang lahat ng mga lupaing ito, at tutuparin ko ang panunumpa na aking sinumpaan kay Abraham na iyong ama. 4 Pararamihin ko ang iyong mga kaapu-apuhan gaya ng mga bituin sa langit, at ibibigay sa iyong mga kaapu-apuhan ang lahat na mga lupaing ito. Sa pamamagitan ng iyong mga kaapu-apuhan ang lahat ng bansa sa lupa ay pagpapalain. 5 Gagawin ko ito dahil sinunod ni Abraham ang aking utos at sinunod niya ang aking mga tagubilin, mga utos ko at mga batas ko." 6 Kaya namalagi si Isaac sa Gerar. 7 Nang tanungin siya ng mga kalalakihan sa lugar tungkol sa kanyang asawa, sinabi nya, "Siya ay aking kapatid na babae." Natakot siyang sabihin, "Siya ay aking asawa," dahil naisip niya, "Ang mga lalaki sa lugar na ito ay papatayin ako para makuha si Rebeca dahil napakaganda niya." 8 Pagkatapos, nagtagal si Isaac doon, Si Abimelec ang hari ng mga Filisteo ay nagkataong tumingin sa labas sa bintana. Nakita niya, masdan, si Isaac na nilalambing si Rebeca, na kanyang asawa. 9 Ipinatawag ni Abimelec si Isaac sa kanya at sinabi, "Tingnan mo, tiyak nga na siya ay iyong asawa. Bakit mo sinabi, 'Siya ay aking kapatid na babae'?" Sinabi ni Isaac sa kanya, "Dahil naisip ko na maaring mayroong pumatay sa akin para makuha siya." 10 Sinabi ni Abimelec, "Ano itong ginawa mo sa amin? Maaring may taong madaling sumiping sa iyong asawa, at madala mo sa amin ang pagkakasala." 11 Kaya binalaan ni Abimelec ang lahat ng mga tao at sinabi, "Kung sino man ang gumalaw sa taong ito o sa kanyang asawa ay tiyak na malalagay sa kamatayan." 12 Nagtanim si Isaac sa lupaing iyon at umani sa parehong taon ng isang sandaang beses, dahil pinagpala siya ni Yahweh. 13 Naging mayaman siya, at lumago ng higit-higit pa hanggang siya ay naging napakadakila. 14 Mayroon siyang maraming tupa at mga baka, at isang malaking sambahayan. Ang mga Filisteo ay kinaiinggitan siya. 15 Ngayon ang lahat ng mga balon na hinukay ng mga lingkod ng kanyang ama sa panahon ni Abraham, na hininto ng mga Palestina sa pamamagitan ng pag-tambak ng lupa. 16 Sinabi ni Abimelec kay Isaac, "Umalis ka palayo sa amin, dahil mas makapangyarihan ka kaysa sa amin." 17 Kaya umalis si Isaac mula doon at namalagi sa lambak ng Gerar, at nanirahan doon. 18 Muling hinukay ni Isaac ang mga balon ng tubig, na hinukay nila noong panahon ni Abraham na kanyang ama. Pinahinto sila ng mga Filisteo pagkatapos mamatay ni Abraham. Tinawag ni Isaac ang mga balon sa parehong mga pangalan na binigay ng kanyang ama dito. 19 Nang naghukay ang mga lingkod ni Isaac sa lambak, nakita nila doon ang isang balong dumadaloy ang tubig. 20 Ang mga pastol na lalaki ng Gerar ay nakipag-away sa mga pastol na lalaki ni Isaac, at sinabi "Ang tubig na ito ay sa amin." Kaya tinawag ni Isaac ang balon na iyon na "Esek," dahil nakipag-away sila sa kanya. 21 Pagkatapos naghukay sila ng isa pang balon, at nag-away rin sila nito, kaya binigyan niya ito ng pangalang "Sitnah." 22 Umalis siya doon at naghukay muli ng isa pang balon, subalit hindi na nila pinag-awayan ang isang iyon. Kaya tinawag niya itong Rehobot, at sinabi niya, "Ngayon ay gumawa si Yahweh ng kaluwagan sa amin, at tayo ay sasagana sa lupa." 23 Pagkatapos pumunta si Isaac mula doon patungong Beer-seba. 24 Nagpakita si Yahweh sa kanya sa gabi ring iyon at sinabing, "Ako ang Diyos ng iyong amang si Abraham. Huwag kang matakot, sapagkat ako ay kasama mo at pagpapalain kita at pararamihin ang iyong mga kaapu-apuhan, alang-alang sa aking lingkod na si Abraham." 25 Nagtayo si Isaac ng altar doon at tumawag sa pangalan ni Yahweh. Nagtindig siya ng tolda doon, at ang kanyang mga lingkod ay naghukay ng balon. 26 Pagkatapos si Abimelec ay pumunta sa kanya mula sa Gerar, kasama si Ahuzat, kanyang kaibigan, at si Picol, ang kapitan ng kanyang hukbo. 27 Sinabi ni Isaac sa kanila, "Bakit kayo naparito sa akin, samantalang galit kayo sa akin at pinaalis ninyo ako palayo sa inyo?" 28 At sinabi nila, "Malinaw naming nakita na si Yahweh ay iyong kasama. Kaya napagpasyahan namin na dapat ay mayroong sumpaan sa pagitan natin, oo, sa pagitan mo at sa amin. Kaya gagawa kami ng tipan sa iyo, 29 na hindi mo kami sasaktan, gaya ng hindi namin pananakit sa iyo, at sa pakikitungo namin ng mabuti sa iyo at sa pagpapaalis namin sa iyo ng mapayapa. Tunay nga, ikaw ay pinagpala ni Yahweh." 30 Kaya gumawa si Isaac ng pista para sa kanila, at sila ay kumain at uminom. 31 Bumangon sila ng maaga kinabukasan at sila ay nagsumpaan sa bawat isa. Pagkatapos pinaalis sila ni Isaac, at siya ay iniwan nila ng mapayapa. 32 Nang araw ding iyon dumating ang mga lingkod ni Isaac at sinabi sa kanya tungkol sa balong kanilang hinukay. Sinabi nila, "Nakakita kami ng tubig", 33 Tinawag niya ang balon na Seba, kaya ang pangalan ng lungsod na iyon ay Beer-seba hanggang sa araw na ito. 34 Nang si Esau ay apatnapung taong gulang na, siya ay nag-asawa, si Judit ang anak ni Beeri na mga anak ni Heth, at saka si Basemat ang anak na babae ni Elon na mga anak ni Heth. 35 Sila ay nagdala ng kalungkutan kay Isaac at Rebeca.

Chapter 27

1 Nang matanda na si Isaac at ang kanyang mga mata ay malabo na kaya hindi na siya makakita, tinawag niya ang nakatatandang anak niyang si Esau. Sinabi niya, "Anak ko." 2 Sumagot ito, "Narito po ako." Sinabi niya rito, "Tumingin ka rito, matanda na ako. Hindi ko alam ang araw ng aking kamatayan. 3 Kaya kunin mo ang iyong mga sandata, ang iyong sisidlan ng palaso at pana at mangaso ka sa bukid para sa akin. 4 Gawan mo ako ng masarap na pagkain na gusto ko at dalhin mo iyon sa akin para makain ko iyon at pagpalain ka bago ako mamatay." 5 Ngayon narinig ni Rebeca nang kausapin ni Isaac si Esau na kanyang anak. Nagpunta si Esau sa bukid para mangaso ng hayop at dalhin ito pauwi. 6 Kinausap ni Rebeca si Jacob na kanyang anak at sinabi, "Tumingin ka rito, narinig kong kinausap ng iyong ama ang kapatid mong si Esau. Sinabi niya 7 'Dalhan mo ako ng pinangasong hayop at gawan ako ng masarap na pagkain, upang kainin ko ito at pagpapalain ka sa harap ni Yahweh bago ang aking kamatayan.' 8 Kaya ngayon, anak ko, sundin mo ang tinig ko habang inuutusan kita. 9 Pumunta ka sa kawan at dalhan mo ako ng dalawang batang kambing; at magluluto ako ng masarap na pagkain para sa ama mo, na katulad ng gusto niya. 10 Dadalhin mo ito sa kanya para kainin upang ikaw ay pagpalain niya bago ang kanyang kamatayan." 11 Sinabi ni Jacob sa kanyang inang si Rebeca, "Tingnan ninyo, ang kapatid kong si Esau ay mabalahibo, at ako ay makinis na tao. 12 Malamang himasin ako ng ama ko, at ako ay magmimistulang manlilinlang sa kanya. Magdadala ako ng isang sumpa sa aking sarili at hindi pagpapala." 13 Sinabi sa kanya ng kanyang ina, "Anak ko, hayaan mong mapunta sa akin ang anumang sumpa. Basta sundin mo ang tinig ko, at umalis ka, at dalhin mo ang mga iyon sa akin." 14 Kaya kinuha ni Jacob ang dalawang batang kambing at dinala ang mga ito sa kanyang ina, at ang kanyang ina ay gumawa ng masarap na pagkain katulad ng gusto ng kanyang ama. 15 Kinuha ni Rebeca ang pinakamagandang damit ni Esau, na nakatatandang anak niya, na nasa kanya sa bahay, at ipinasuot ito kay Jacob, na nakababatang anak niya. 16 Inilagay niya ang balat ng batang kambing sa mga kamay niya at sa makinis na bahagi ng leeg niya. 17 Inilagay niya ang inihanda niyang masarap na pagkain at ang tinapay sa kamay ng anak niyang si Jacob. 18 Pumunta si Jacob sa kanyang ama at nagsabi, "Ama ko." Sinabi niya, "Narito ako; sino ka, anak ko?" 19 Sinabi ni Jacob sa kanyang ama, "Ako si Esau na unang anak mo; nagawa ko na ang sinabi mo sa akin. Umupo ka at kainin ang aking napangaso upang pagpalain mo ako." 20 Sinabi ni Isaac sa kanyang anak, "Paano mo itong natagpuan nang napakabilis, anak ko?" Sinabi niya, "Dahil si Yahweh na iyong Diyos ay dinala ito sa akin." 21 Sinabi ni Isaac kay Jacob, "Lumapit ka upang mahimas kita at malaman kung ikaw ang tunay kong anak na si Esau o hindi." 22 Pumunta si Jacob sa kanyang amang si Isaac, at hinimas siya ni Isaac at sinabi niya, "Ang tinig ay tinig ni Jacob, ngunit ang mga kamay ay mga kamay ni Esau. 23 Hindi siya nakilala ni Isaac dahil ang kanyang mga kamay ay mabalahibo, katulad ng mga kamay ng kapatid niyang si Esau, kaya pinagpala siya ni Isaac. 24 Sinabi niya, "Ikaw ba talaga ang anak kong si Esau?" Sumagot siya, "Ako nga." 25 Sinabi ni Isaac, "Dalhin mo sa akin ang pagkain at kakainin ko ang napangaso mo upang mapagpala kita." Dinala ni Jacob sa kanya ang pagkain. Kumain si Isaac, at dinalhan siya ni Jacob ng alak, at siya ay uminom. 26 Sinabi ng kanyang amang si Isaac, "Lumapit ka sa akin at hagkan mo ako, anak ko." 27 Lumapit si Jacob at hinalikan siya, at naamoy niya ang amoy ng kanyang damit at pinagpala siya. Sinabi nya, "Tingnan mo, ang amoy ng aking anak ay katulad ng amoy ng isang bukid na pinagpala ni Yahweh. 28 Nawa bigyan ka ng Diyos ng isang bahagi ng hamog ng langit, isang bahagi ng katabaan ng lupa, at masaganang mga butil at bagong alak. 29 Nawa ang mga tao ay maglingkod sa iyo at yumuko sa iyo ang mga bansa. Maging amo ka ng iyong mga kapatid na lalaki, at nawa ang mga anak ng iyong ina ay yumuko sa iyo. Nawa ang bawat isang sumumpa sa iyo ay sumpain; at nawa ang bawat isang magpala sa iyo ay pagpalain." 30 Matapos pagpalain ni Isaac si Jacob, at bahagya pa siyang lumayo sa presensya ng ama niyang si Isaac, noon naman dumating ang kapatid niyang si Esau mula sa pangangaso. 31 Gumawa rin siya ng masarap na pagkain at dinala iyon sa kanyang ama. Sinabi niya, "Ama, bumangon ka at kainin mo ang ilan sa napangaso ng iyong anak upang mapagpala mo ako." 32 Ang kanyang amang si Isaac ay nagsabi sa kanya, "Sino ka?" Sinabi niya, "Ako ang anak mo, ang unang anak mong si Esau." 33 Nanginig nang matindi si Isaac at nagsabi, "Sino pala iyon na nangaso ng hayop na ito at dinala sa akin? Kinain ko lahat ito bago ka dumating, at pinagpala ko siya. Tunay nga, siya ay pagpapalain." 34 Nang marinig ni Esau ang mga salita ng kanyang ama, siya ay umiyak nang napakalakas at umiyak ng may kapaitan, sinabi sa kanyang ama, "Ako rin, pagpalain mo ako, ama ko." 35 Sinabi ni Isaac, "Mapanlilinlang na naparito ang kapatid mo at inagaw ang iyong pagpapala." 36 Sinabi ni Esau, "Hindi ba tama lang na pinangalanan siyang Jacob? Dahil dinaya niya ako sa dalawang pagkakataong ito. Inagaw niya ang aking karapatan ng isinilang at tingnan mo, ngayon ay inagaw niya ang aking pagpapala." At sinabi niya, "Wala ka bang naitabing pagpapala para sa akin?" 37 Sumagot si Isaac at sinabi kay Esau, "Tingnan mo, nagawa ko na siyang amo mo at naibigay ko na sa kanya ang lahat ng mga kapatid niya bilang alipin. At nabigyan ko siya ng butil at bagong alak. Ano pa ang magagawa ko para sa iyo, anak ko?" 38 Sinabi ni Esau sa kanyang ama, "Wala ka bang kahit isang pagpapala sa akin, ama ko? Pagpalain mo ako, ako rin, ama ko." Umiyak nang malakas si Esau. 39 Sumagot ang kanyang amang si Isaac at sinabi sa kanya, "Tingnan mo, ang lugar na pinaninirahan mo ay magiging malayo sa kayamanan ng mundo, malayo sa hamog ng langit sa itaas. 40 Mabubuhay ka sa pamamagitan ng iyong espada, at paglilingkuran mo ang iyong kapatid na lalaki. Subalit kapag magrebelde ka, maaalog mo ang kanyang pamatok mula sa iyong leeg." 41 Nagalit si Esau kay Jacob dahil sa pagpapalang binigay ng kanilang ama sa kanya. Sinabi niya sa kanyang puso, "Malapit na ang mga araw ng pagluluksa para sa aking ama; pagkatapos niyon papatayin ko ang kapatid kong si Jacob." 42 Ang mga salita ni Esau na nakatatanda niyang anak ay nasabi kay Rebeca. Kaya nagpadala at tinawag niya si Jacob na nakababatang anak niya at sinabi rito, "Tingnan mo, ang kapatid mong si Esau ay inaaliw ang kanyang sarili sa pagbabalak na patayin ka. 43 Kaya ngayon, anak ko, sundin mo ako at tumakas ka papunta kay Laban, na kapatid kong lalaki, sa Haran. 44 Manatili ka nang ilang araw sa piling niya, hanggang sa humupa ang galit ng kapatid mo, 45 hanggang mawala ang galit ng kapatid mo sa iyo, at malimutan niya ang ginawa mo sa kanya. Pagkatapos magpapadala ako at ibabalik ka mula roon. Bakit kailangang kapwa kayong mawala sa akin sa isang araw?" 46 Sinabi ni Rebeca kay Isaac, "Ako ay pinanghihinaan sa buhay dahil sa mga anak na babae ni Heth. Kung kunin ni Esau na asawa ang isa sa mga anak ni Heth, tulad ng mga kababaihang ito, ilan sa mga anak na babae ng lupain, ano pa ang kabuluhan ng buhay ko?"

Chapter 28

1 Tinawag ni Isaac si Jacob, pinagpala siya at inutusan, "Hindi ka dapat kumuha ng asawa mula sa kababaihang taga-Cananeo. 2 Tumayo ka, pumunta ka sa Paddan-aram, sa bahay ni Bethuel na ama ng iyong ina, at kumuha ka ng asawa mula roon, sa isa sa mga anak ni Laban, na kapatid ng iyong ina. 3 Pagpalain ka nawa ng Makapangyarihang Diyos, pamungahin ka at paramihin, para dumami ang iyong lahi. 4 Ibigay niya nawa sa iyo ang pagpapala ni Abraham, sa iyo, at sa mga susunod mong kaapu-apuhan, para manahin mo ang lupain kung saan ka naninirahan, na ibinigay ng Diyos kay Abraham." 5 Kaya pinaalis ni Isaac si Jacob. Pumunta si Jacob sa Paddan-aram, kay Laban na anak ni Bethuel na Aramean, kapatid ni Rebeca na ina nina Esau at Jacob. 6 Ngayon nakita ni Esau na pinagpala ni Isaac si Jacob at pinapunta siya sa Paddan-aram para kumuha ng asawa roon. Nakita rin niya na pinagpala siya ni Isaac at binigyan siya ng utos, na nagsasabing, "Hindi ka dapat kumuha ng asawa mula sa kababaihan ng Canaan." 7 Nakita rin ni Esau na sinunod ni Jacob ang kanyang ama at ina, at nagpunta sa Paddan-aram. 8 Nakita ni Esau na hindi nalugod ang kaniyang amang si Isaac sa mga kababaihan ng Canaan. 9 Kaya nagpunta siya kay Ismael, at kinuha, bukod pa sa mga asawang mayroon siya, si Mahalath na anak ni Ismael, anak ni Abraham, kapatid na babae ni Nabaioth, para maging asawa niya. 10 Nilisan ni Jacob ang Beer-seba at nagpunta sa Haran. 11 Dumating siya sa isang lugar at nanatili roon buong gabi, dahil lumubog na ang araw. Kumuha siya ng isang bato sa lugar na iyon, inilagay iyon sa ilalim ng kanyang ulo at nahiga sa lugar na iyon para matulog. 12 Siya ay nanaginip at nakakita ng hagdanang itinayo sa mundo. Ang tuktok nito ay umaabot sa langit at ang mga anghel ng Diyos ay akyat-panaog doon. 13 Masdan, si Yahweh ay nakatayo sa ibabaw niyon at nagsabi, "Ako si Yahweh, ang Diyos ni Abraham na iyong ama, at ang Diyos ni Isaac. Ang lupang hinihigaan mo, ibibigay ko sa iyo at sa iyong mga kaapu-apuhan. 14 Ang iyong mga kaapu-apuhan ay magiging tulad ng alikabok sa mundo, at ikaw ay kakalat sa kanluran, sa silangan, sa hilaga, at sa timog. Sa iyo at iyong mga kaapu-apuhan, ang lahat ng mga pamilya sa mundo ay pagpapalain. 15 Masdan mo, kasama mo ako, iingatan kita saan ka man magpunta. Dadalhin kitang muli sa lupaing ito; dahil hindi kita iiwan. Tutuparin ko ang lahat ng naipangako ko sa iyo." 16 Si Jacob ay nagising mula sa kanyang pagtulog at sinabi nya, "Tunay nga na si Yahweh ay nasa lugar na ito, at hindi ko iyon alam." 17 Natakot siya at nagsabi, "Nakakikilabot naman ang lugar na ito! Ito ay walang iba kundi ang tahanan ng Diyos. Ito ang tarangkahan ng langit." 18 Bumangon si Jacob kinaumagahan at kinuha ang batong inilagay niya sa ilalim ng kaniyang ulo. Itinayo niya ito bilang isang haligi at nagbuhos ng langis sa ibabaw nito. 19 Tinawag niya ang pangalan ng lugar na iyon na Bethel, pero ang dating pangalan ng lungsod na iyon ay Luz. 20 Si Jacob ay sumumpa ng isang panata na nagsasabing, "Kung ang Diyos ay kasama ko at pangangalagaan ako sa daang ito na aking nilalakaran, at bibigyan ako ng tinapay para kainin, at mga damit para suutin, 21 nang sa gayon matiwasay akong makabalik sa bahay ng aking ama, pagkatapos si Yahweh ay magiging Diyos ko. 22 Pagkatapos ang batong ito na itinayo ko bilang isang haligi ay magiging banal na bato. Mula sa lahat ng ibinigay mo sa akin, tiyak na ibabalik ko sa iyo ang ikasampung bahagi."

Chapter 29

1 Pagkatapos nagpatuloy si Jacob sa kanyang paglalakbay at nakarating sa lupain ng mga mamamayan sa silangan. 2 Nang siya ay nagmasid, mayroon siyang nakitang balon sa bukid, at nakita niya, na may tatlong mga kawan ng tupa na namamahinga sa paligid nito. Dahil mula sa balong iyon pinapainom nila ang mga kawan, at ang bato sa bunganga ng balon ay malaki. 3 Kapag sama-samang napagtipon ang lahat ng mga kawan doon, igugulong ng mga pastol ang bato mula sa bunganga ng balon at paiinumin ang mga tupa, at pagkatapos ibabalik muli ang bato sa bunganga ng balon, pabalik sa kinalalagyan nito. 4 Sinabi ni Jacob sa kanila, "Mga kapatid ko, saan kayo nanggaling?" At sinabi nila, "Kami ay nanggaling sa Haran". 5 Sinabi niya sa kanila, "Kilala ba ninyo si Laban na anak ni Nahor?" At sinabi nila, "Kilala namin siya". 6 Sinabi niya sa kanila "Mabuti ba ang kalagayan niya?" Sinabi nila, "Mabuti naman siya, at, tumingin ka roon, si Raquel na kanyang anak ay paparating kasama ang mga tupa." 7 Sinabi ni Jacob, "Tingnan mo, ito katanghaliang-tapat. Hindi pa oras para sa mga kawan na sama-samang tipunin. Painumin ninyo ang mga tupa at pagkatapos umalis kayo at hayaan silang manginain ng damo." 8 Sinabi nila, "Hindi namin sila mapapainum hangga't hindi pa sama-samang natitipon ang mga kawan. Saka pa lamang igugulong ng mga kalalakihan ang bato mula sa bunganga ng balon, at paiinumin namin ang mga tupa." 9 Habang si Jacob ay nakikipag-usap pa rin sa kanila, dumating si Raquel kasama ang mga tupa ng kanyang ama, dahil inaalagaan niya ang mga ito. 10 Nang makita ni Jacob si Raquel, anak na babae ni Laban, kapatid na lalaki ng kanyang ina, lumapit si Jacob, pinagulung ang bato mula sa bunganga ng balon, at pinainom ang kawan ni Laban, na kapatid ng kanyang ina. 11 Hinalikan ni Jacob si Raquel at umiyak ng malakas. 12 Sinabi ni Jacob kay Raquel na siya ay kamag-anak ng kanyang ama, at siya ay anak ni Rebeca. Pagkatapos tumakbo si Raquel at sinabi niya sa kanyang ama. 13 Nang marinig ni Laban ang balita tungkol kay Jacob na anak ng kanyang kapatid na babae, siya ay tumakbo para salubungin siya, yakapin, halikan at dalhin sa kanyang bahay. Sinabi ni Jacob kay Laban ang lahat ng mga bagay na ito. 14 Sinabi ni Laban sa kanya, "Tunay nga na ikaw ay aking buto at laman," Pagkataposnanatili si Jacob sa piling niya ng isang buwan. 15 Pagkatapos sinabi ni Laban kay Jacob, "Pagsisilbihan mo ba ako sa wala dahil kamag-anak mo ako? Sabihin mo sa akin, ano ang iyong magiging kabayaran?" 16 Ngayon si Laban ay may dalawang anak na babae. Ang pangalan ng nakatatanda ay Lea at ang pangalan ng nakababatang kapatid ay Raquel. 17 Si Lea ay may mapupungay na mga mata, pero si Raquel ay maganda sa anyo at itsura. 18 Minahal ni Jacob si Raquel, kaya sinabi niya, "Maninilbihan ako sa iyo ng pitong taon para kay Raquel, ang iyong nakababatang anak na babae." 19 Sinabi si Laban, "Mas mabuti na ibigay ko siya sa iyo, kaysa ibigay ko siya sa ibang lalaki. Manatili ka sa akin." 20 Kaya naninilbihan si Jacob ng pitong taon para kay Raquel; at tila ang mga ito ay parang iilang araw lamang sa kanya, dahil sa pagmamahal na mayroon siya sa kanya. 21 Pagkatapos sinabi ni Jacob kay Laban, "Ibigay mo na ang aking asawa, dahil ang mga araw ko ay natapos na—para mapakasalan ko na siya!" 22 Kaya tinipon ni Laban ang lahat ng mga lalaki sa lugar at nagpista. 23 Kinagabihan, kinuha ni Laban si Lea na kanyang anak at dinala kay Jacob, na siyang sumiping sa kanya. 24 Binigay rin ni Laban ang kanyang babaeng lingkod na si Zilpa sa kanyang anak na si Lea, para maging lingkod niya. 25 Kinaumagahan, nagulat siya, dahil si Lea ang kasama niya! Sinabi ni Jacob kay Laban, "Ano ba itong ginawa mo sa akin?" Hindi ba nanilbihan ako sa iyo para kay Raquel? Bakit dinaya mo ako?" 26 Sinabi ni Laban, "Hindi namin kaugalian na ibigay ang nakababatang anak na babae bago ang panganay. 27 Tapusin mo ang isang linggong kasalan sa anak kong ito, at ibibigay rin namin sa iyo ang isa bilang kapalit ng iyong paninilbihan sa akin ng karagdagang pitong taon." 28 Kaya ginawa iyon ni Jacob, at natapos ang isang linggo para kay Lea. Pagkatapos ay ibinigay ni Laban sa kanya si Raquel bilang kanyang asawa rin. 29 Ibinigay rin ni Laban si Bilha sa kanyang anak na babaeng si Raquel, para maging lingkod. 30 Kaya pinakasalan ni Jacob si Raquel, dahil minahal niya si Raquel nang mas higit pa kay Lea. Kaya nanilbihan si Jacob kay Laban ng karagdagang pitong taon. 31 Nakita ni Yahweh na si Lea ay hindi minahal, kaya binuksan niya ang kanyang sinapupunan, pero si Raquel ay walang anak. 32 Si Lea ay nagdalang-tao at nagsilang ng isang batang lalaki, at pinangalanan niyang Ruben. Sinabi niya, "Dahil nakita ni Yahweh ang aking paghihirap; tiyak ngayon na mamahalin na ako ng aking asawa. 33 Pagkatapos muli siyang nagdalang-tao at nagsilang ng lalaki. Sinabi niya, "Dahil narinig ni Yahweh na hindi ako minahal, kaya binigyan din niya ako ng anak na lalaki," at pinangalanan niya itong Simeon. 34 Pagkatapos nagdalang-tao siya muli at nagsilang ng lalaki. Sinabi niya, "Ngayon, sa pagkakataong ito, ang aking asawa ay magiging malapit na sa akin dahil nakapagsilang ako para sa kanya ng tatlong lalaki." Kaya nga ang kanyang pangalan ay tinawag na Levi. 35 Nagdalang-tao siya muli at nagsilang ng lalaki. Sinabi niya, "Sa pagkakataong ito pupurihin ko si Yahweh." Kaya nga pinangalanan niya itong Juda; Pagkatapos huminto na siya sa pagkakaroon ng anak.

Chapter 30

1 Nang makita ni Raquel na wala siyang naging anak kay Jacob, si Raquel ay nainggit sa kanyang kapatid na babae. Sinabi niya kay Jacob, "Bigyan mo ako ng mga anak, o mamamatay ako." 2 Ang galit ni Jacob ay nagsiklab laban kay Raquel. Sinabi niya, "Nasa lugar ba ako ng Dios, na pumigil sa iyo na magkaanak?" 3 Sinabi niya, "Tingnan mo, iyan ang aking lingkod na si Bilha. Sipingan mo siya para magkaroon siya ng mga anak sa aking mga tuhod, at ako ay magkakaroon ng mga anak sa pamamagitan niya." 4 Kaya binigay niya ang kanyang lingkod na si Bilha bilang asawa at sinipingan siya ni Jacob. 5 Nagdalang-tao si Bilha at nagsilang ng anak na lalaki kay Jacob. 6 Sinabi ni Raquel, "Narinig ako ng Diyos. Tiyak na narinig niya ang aking tinig at binigyan ako ng isang anak. Kaya nga, pinangalanan niya itong Dan. 7 Si Bilha, ang lingkod ni Raquel, ay nagdalang-tao muli at nagsilang kay Jacob ng pangalawang anak. 8 Sinabi ni Raquel, "Sa matinding pakikipagbuno, nakipagbuno ako sa aking kapatid at ako ay nanaig." Siya ay pinangalanan niyang Nephtali. 9 Nang nakita ni Lea na natigil na siya sa pagkakaroon ng anak, kinuha niya si Zilpa, ang kanyang lingkod, at ibinigay kay Jacob bilang asawa. 10 Si Zilpa, na lingkod ni Lea, ay nagsilang ng lalaki kay Jacob. 11 Sinabi ni Lea, "Ito ay napakapalad!" Kaya siya ay pinangalanan niyang Gad. 12 Pagkatapos si Zilpa, lingkod ni Lea, ay nagsilang kay Jacob ng pangalawang anak. 13 Sinabi ni Lea, "Masaya ako! Dahil ang mga anak na babae ay tatawagin akong masaya." Kaya siya ay pinangalanan niyang Asher. 14 Pumunta si Ruben nang panahon ng pag-ani ang trigo at nakakita ng mga halaman ng mendreik. Dinala niya ito sa kanyang inang si Lea. Pagkatapos sinabi ni Raquel kay Lea, "Bigyan mo ako ilan sa mga halaman ng mendreik ng iyong anak." 15 Sinabi ni Lea kay Raquel, "Maliit na bagay lang ba sa iyo na kinuha mo ang aking asawa? Ngayon gusto mo namang kunin din ang mga halaman ng mendreik ng aking anak?" Sinabi ni Raquel, "Matutulog siya kasama mo ngayong gabi, bilang kapalit sa mga halaman ng mendreik ng iyong anak." 16 Nanggaling si Jacob sa kanyang sakahan kinagabihan. Lumabas si Lea para salubungin siya at sinabi, "Kailangan mong matulog kasama ko ngayong gabi, dahil inupahan kita sa pamamagitan ng mga halaman na mendreik ng aking anak." Kaya natulog si Jacob kasama ni Lea nang gabing iyon. 17 Dininig ng Diyos si Lea, at nagdalang tao siya at nagsilang ng ikalimang anak nila ni Jacob. 18 Sinabi ni Lea, "Ibinigay ng Diyos sa akin ang aking mga kabayaran, dahil ibinigay ko sa aking asawa ang aking babaeng lingkod." Siya ay pinangalanan niyang Isacar. 19 Muling nagdalang-tao si Lea at nagsilang kay Jacob ng ikaanim na anak. 20 Sinabi ni Lea, "Binigyan ako ng Diyos ng magandang regalo. Ngayon, pararangalan na ako ng aking asawa, dahil nagsilang ako ng anim na batang lalaki sa kanya." Siya ay pinangalanan niyang Zebulon. 21 Pagkatapos nagsilang siya ng batang babae at siya ay pinangalanan niyang Dina. 22 Naalala ng Diyos si Raquel at dininig siya. Dinulot niya na siya ay mabuntis. 23 Nagdalang-tao siya at nagsilang ng isang anak na lalaki. Sinabi niya, "Inalis ng Diyos ang aking kahihiyan." 24 Siya ay pinangalanan niyang Jose, na nagsasabing, "Si Yahweh ay nagdagdag sa akin ng lalaking anak." 25 Pagkatapos isilang ni Raquel si Jose, sinabi ni Jacob kay Laban, "Ipadala mo ako sa malayo, para ako ay makapunta sa sarili kong tahanan at sa aking bansa. 26 Ibigay mo sa akin ang aking mga asawa at mga anak na dahilan ng aking paninilbihan sa iyo, at hayaan mo akong umalis dahil alam mo naman ang paglilingkod na ibinigay ko sa iyo." 27 Sinabi ni Laban sa kanya, "Kung nakahanap ako ng pabor sa iyong mga mata ngayon, maghintay ka muna, dahil nalaman ko sa aking pagdarasal na pinagpala ako ni Yahweh para sa iyong kapakanan." 28 Pagkatapos sinabi niya, "Sabihin mo kung magkano ang iyong kabayaran at babayaran ko." 29 Sinabi ni Jacob sa kanya, "Alam mo kung paano ako nanilbihan sa iyo at alam mo kung paano lumago ang iyong mga hayop. 30 Dahil kakaunti lang ang mayroon ka bago ako dumating, at dumami ito nang dumami. Pinagpala ka ni Yahweh saan man ako nagtrabaho. Ngayon kailan naman ako maghahanda para sa aking sariling sambahayan?" 31 Kaya sinabi ni Laban, "Ano ang ibabayad ko sa iyo?" Sinabi ni Jacob, "Hindi mo ako bibigyan ng anumang bagay. Kung gagawin mo ang bagay na ito para sa akin, pakakainin ko ulit at iingatan ang iyong mga kawan. 32 Hayaan mo akong lumakad doon sa iyong mga kawan ngayon, aalisin ko ang bawat may batik at may dungis na tupa, at lahat ng mga itim sa iyong mga tupa, at ang mga may dungis at batik sa mga kambing. Ito ang aking magiging kabayaran. 33 Ang aking katapatan ang magpapatunay para sa akin kalaunan, kapag pupunta ka para tingnan ang aking kabayaran. Lahat na mga walang batik, walang dungis sa mga kambing, at itim sa mga tupa, kung mayroon mang makita na nasa akin, ay ituturing na ninakaw." 34 Sinabi ni Laban, "Pumapayag ako. Mangyayari ang mga ito ayon sa sinabi mo." 35 Sa araw na iyon inalis ni Laban ang lahat ng mga lalaking kambing na may guhit at dungis, at ang lahat ng mga babaeng kambing na may batik at dungis, ang lahat na may puti, at ang lahat ng mga itim sa mga tupa, at ibinigay niya ito sa kamay ng kanyang mga anak na lalaki. 36 Naglagay din si Laban ng tatlong araw na paglalakbay sa pagitan ng kanyang sarili at kay Jacob. Kaya si Jacob ay nagsikap na alagaan ang natitirang kawan ni Laban. 37 Kumuha si Jacob ng sariwang pinutol na mga sanga ng sariwang alamo, at ng almendro at ng kastanong punongkahoy, at binalatan sila ng puting guhit, at pinalitaw ang puting loob ng kahoy na nasa mga patpat. 38 Pagkatapos inilagay niya ang binalatang patpat sa harap ng mga kawan, sa harap ng patubigan kung saan ang mga kawan ay umiinom. Nabubuntis sila sa tuwing sila ay umiinom. 39 Ang mga kawan ay nagparami sa harap ng mga patpat; at ang mga kawan ay nanganak ng may guhit, may batik, at may dungis na bata. 40 Si Jacob ay naghiwalay sa mga babaeng tupa, at hinarap ang kanilang mga mukha sa mga hayop na may guhit at lahat ng itim na tupa sa kawan ni Laban. Pagkatapos, ihiniwalay niya ang kaniyang mga kawan at hindi na sila isinama kailanman sa kawan ni Laban. 41 Sa tuwing nagpaparami ang mga malalakas na tupa sa kawan, nilalagay ni Jacob ang mga patpat sa may patubigan sa harapan ng mga mata ng kawan, para mabuntis sila sa gitna ng mga patpat. 42 Pero kapag dumating ang mahihinang hayop sa kawan, hindi niya inilalagay ang mga patpat sa kanilang harapan. Kaya ang mga mahihinang hayop ay kay Laban, at ang mga malalakas ay kay Jacob. 43 Naging masagana ang lalaki. Mayroon siyang maraming mga kawan, mga babaeng at lalaking lingkod, mga kamelyo at mga asno.

Chapter 31

1 Ngayon narinig ni Jacob ang mga salita ng mga anak ni Laban, na sinabi nila, "Kinuha ni Jacob ang lahat na mga pag-aari ng ating ninuno, at galing sa mga pag-aari ng ating ninuno ang lahat nang nakuha niyang kayamanan." 2 Nakita ni Jacob ang anyo ng mukha ni Laban. Nakita niya na nagbago ang kanyang pakikitungo sa kanya. 3 Pagkatapos sinabi ni Yahweh kay Jacob, "Bumalik ka sa lupain ng iyong mga ninuno at sa iyong mga kamag-anak, at ako'y makakasama mo." 4 Pinatawag at pinapunta ni Jacob sina Raquel at Lea sa bukid sa kanyang kawan 5 at sinabi sa kanila, "Nakita kong nagbago ang pakikitungo ng inyong ama sa akin, ngunit ang Diyos ng aking ama ay kasama ko. 6 Alam ninyong pinaglingkuran ko ang inyong ama ng buong lakas ko. 7 Nilinlang ako ng inyong ama at pinalitan ng sampung beses ang sahod ko, ngunit hindi siya pinahintulutan ng Diyos na ako'y masaktan. 8 Nang sinabi niya, 'Ang batik-batik na mga hayop ang ibibigay kong sahod sa iyo,' sa gayon ang lahat ng buong kawan ay nagsilang ng mga batang batik-batik. At nang sinabi niya, 'Ang mga guhitan ang iyong magiging sahod,' sa gayon ang lahat ng buong kawan ay nagsilang ng mga batang guhitan. 9 Sa ganitong paraan kinuha ng Diyos ang mga alagang hayop ng inyong ama at ibinigay sila sa akin. 10 Minsan sa panahon ng pagpaparami, nakita ko sa isang panaginip ang mga lalaking kambing na nakikipagtalik sa kawan. Ang mga lalaking kambing ay mga guhitan, batik-batik at may butlig. 11 Sinabi sa akin ng anghel ng Diyos sa panaginip, "Jacob.' Sumagot ako, 'Narito ako.' 12 Sabi niya, 'Imulat mo ang iyong mga mata at tingnan mo ang lahat ng mga lalaking kambing na nagpaparami sa kawan. Sila ay mga guhitan, may batik-batik at may batik, sapagkat nakita ko ang lahat ng bagay na ginagawa ni Laban sa iyo. 13 Ako ang Diyos ng Bethel, kung saan mo binuhusan ng langis ang isang haligi, kung saan ka gumawa ng isang panata sa akin. Ngayon, tumindig ka at lisanin ang lupaing ito at bumalik sa lupain ng iyong kapanganakan."' 14 Sumagot sina Raquel at Lea at sinabi sa kanya, "Mayroon ba kaming makukuhang anumang pamana sa bahay ng aming ama? 15 Hindi ba itinuring niya tayo bilang mga dayuhan? Sapagkat ipinagbili niya tayo at tuluyang inubos ang ating pera. 16 Dahil lahat ng kayamanang kinuha ng Diyos sa ating ama ngayo’y sa atin na at sa ating mga anak. Kaya ngayon, anumang sinabi ng Diyos sa iyo, gawin mo." 17 Pagkatapos bumangon si Jacob at pinasakay ang kanyang mga anak at mga asawa sa mga kamelyo. 18 Pinauna niya ang kanyang mga alagang hayop, kasabay ng lahat ng kanyang mga ari-arian, pati na ang mga alagang hayop na nakuha niya sa Paddan Aram. Pagkatapos humayo siya patungo sa lupain ng Canaan sa kanyang amang si Isaac. 19 Nang umalis si Laban para gupitan ang kanyang mga tupa, ninakaw naman ni Raquel ang diyos ng sambahayan ng kanyang ama. 20 Nilinlang din ni Jacob si Laban na Aramean, sa hindi pagsasabing aalis siya. 21 Kaya tumakas siya dala lahat ng mayroon siya at nagmamadaling tumawid sa Ilog, patungo sa dako ng burol na bansa ng Galaad. 22 Sa ikatlong araw, nalaman ni Laban na tumakas si Jacob. 23 Kaya dinala niya ang kanyang mga kamag-anak at tinugis siya sa pitong araw na paglalakbay. Naabutan siya sa burol na bansa ng Galaad. 24 Ngayon nagpakita ang Diyos kay Laban na Aramean sa isang panaginip sa gabi at sinabi sa kanya, "Mag-ingat kang magsalita kay Jacob, kahit masama man o mabuti." 25 Naunahan ni Laban si Jacob. Ngayon itinayo ni Jacob ang kanyang tolda sa burol na bansa. Nagkampo rin si Laban at ang kanyang mga kamag-anak sa burol na bansa ng Galaad. 26 Sinabi ni Laban kay Jacob, "Ano ang ginawa mo, na nilinlang mo ako at tinangay ang aking mga anak na babae na parang mga bilanggo sa digmaan? 27 Bakit ka tumakas nang palihim at nilinlang ako at hindi mo man lang ako sinabihan. Pinaalis sana kita nang may pagdiriwang, at may mga awitin, may tamborin at may mga alpa. 28 Hindi mo ako pinayagang halikan ang aking mga apong lalaki at babae upang makapagpaalam. Gumawa ka ng kamangmangan. 29 Nasa kapangyarihan ko ang gawan kayo ng masama, ngunit ang Diyos ng inyong ama ay nakipag-usap sa akin kagabi at sinabi, 'Mag-ingat kang magsalita laban kay Jacob masama man o mabuti.' 30 At ngayon, lumayo ka dahil labis ka nang nangulila sa bahay ng iyong ama. Ngunit bakit mo ninakaw ang aking mga diyos?" 31 Sumagot si Jacob at sinabi kay Laban, "Dahil natatakot ako at ang akala ko na kukunin mo ang iyong mga anak na bababe mula sa akin nang sapilitan kaya umalis ako nang palihim. 32 Kung sino man ang nagnakaw ng iyong mga diyos-diyosan ay hindi na patuloy na mabubuhay. Sa harap ng ating mga kamag-anak, alamin mo kung anong mayroon sa akin ang sa iyo at kunin mo." Pagkat hindi alam ni Jacob na si Raquel ang nagnakaw sa mga iyon. 33 Pumunta si Laban sa tolda ni Jacob, sa tolda ni Lea at sa tolda ng dalawang babaeng alipin, ngunit hindi niya natagpuan ang mga ito. Pumunta siya sa tolda ni Lea at pumasok sa tolda ni Raquel. 34 Ngayon kinuha ni Raquel ang diyos ng sambahayan, nilagay niya ang mga ito sa upuan sa likod ng kamelyo at inupuan niya. Hinanapan ni Laban ang buong tolda, ngunit hindi niya ito natagpuan. 35 Sinabi ni Raquel sa kanyang ama, "Huwag kang magalit, aking panginoon, sapagkat hindi ako makakatayo sa kinauupuan ko dahil sa ako ay may buwanang dalaw." Kaya naghanap siya ngunit hindi niya natagpuan ang kanyang pansambahayang diyos. 36 Nagalit si Jacob at nakipagtalo kay Laban. Sinabi niya sa kanya, "Ano ba ang atraso ko? Ano ba ang kasalanan ko, na pinag-iinitan mo akong habulin? 37 Hinanapan mo na ang lahat ng aking ari-arian. Anong natagpuan mong iyong mga pansambahayang bagay? Ilagay ang mga iyon dito sa harap ng ating mga kamag-anak, upang humatol sila sa pagitan nating dalawa. 38 Kasama ninyo ako sa loob ng dalawampung taon. Ang inyong mga babaeng tupa at babaeng kambing ay hindi nakunan, ni kumain ako ng anumang lalaking tupa mula sa iyong mga kawan. 39 Anuman ang nilapa ng mga mababangis na hayop hindi ko dinala sa iyo. Sa halip, inako ko ang pagkawala nito. Palagi mo akong pinagbayad sa mga nawawalang hayop, kahit na ninakaw sa araw o ninakaw sa gabi. 40 Naroon ako; sa araw pinahirapan ako ng init, at ng nagyeyelong hamog sa gabi; at nagtiis ako nang walang tulog. 41 Nitong dalawampung taon ay nasa inyong sambahayan mo ako. Nagtrabaho ako ng labing-apat na taon para sa dalawa mong anak na babae, at anim na taon para sa iyong kawan. Binago mo ang aking sahod ng sampung beses. 42 Kung ang Diyos na sinasamba ng aking ama, ang Diyos ni Abraham, at ang isang kinatatakutan ni Isaac ay kasama ko, tiyak na ngayon pinaalis mo na sana akong walang dala. Nakita ng Diyos ang aking kaapihan at kung gaano kabigat ako nagtrabaho, at pagsabihan ka niya kagabi." 43 Sumagot si Laban kay Jacob. ''Ang mga anak na babae ay aking mga anak na babae, ang mga apo ay aking mga apo, ang mga kawan ay aking mga kawan. Lahat ng nakita mo ay akin. Ngunit ano ba ang gagawin ko ngayon sa aking mga anak na babae at sa magiging anak nila na kanilang isinilang? 44 Kaya ngayon, gagawa tayo ng isang kasunduan, ikaw at ako, at hayaang maging saksi ito sa pagitan mo at sa akin." 45 Kaya kumuha si Jacob ng isang bato at itinayo bilang isang haligi. 46 Sinabi ni Jacob sa kanyang mga kamag-anak, "Magtipon kayo ng mga bato." Kaya kumuha sila ng mga bato at gumawa ng isang tumpok. Pagkatapos doon sila kumain sa may tumpok. 47 Tinawag ni Laban itong Jegar-sahaduta, ngunit tinawag ni Jacob itong Galeed. 48 Sinabi ni Laban, "Ang mga tumpok na ito ang isang saksi sa pagitan ko at sa iyo ngayon." Kaya ang pangalan ay tinawag na Galeed. 49 Tinawag din itong Mizpah, dahil sinabi ni Laban, "Nawa si Yahweh ang magbantay sa pagitan mo at ako, kung hindi natin nakikita ang isa't isa. 50 Kung abusuhin mo ang aking mga anak, o kumuha ka ng ibang mga asawa maliban sa mga anak ko, bagamat wala tayong kasama, tingnan mo, ang Diyos ang saksi sa pagitan mo at ako." 51 Sinabi ni Laban kay Jacob, "Tingnan mo ang tumpok na ito at tingnan ang poste, kung saan itinakda ko sa pagitan mo at ako. 52 Ang poste na ito ay isang saksi, at ang haligi ay isang saksi, na hindi ako lalampas sa tumpok na ito patungo sa iyo, at hindi ka lalampas sa tumpok na ito at sa haliging ito patungo sa akin, para gumawa ng pinsala. 53 Nawa'y ang Diyos ni Abraham, at ang Diyos ni Nahor, ang Diyos ng kanilang ama, ang humatol sa pagitan natin." Nanumpa si Jacob sa Diyos, na kinatatakutan ng kanyang amang si Isaac. 54 Nag-alok ng isang alay si Jacob sa bundok at tinawag ang kanyang mga kamag-anak para kumain. Kumain sila at nanatili sila sa bundok buong gabi. 55 Madaling araw pa bumangon si Laban, hinalikan ang kanyang mga apong lalaki at mga anak na babae at pinagpala sila. Pagkatapos umalis si Laban at bumalik sa kanyang tahanan.

Chapter 32

1 Humayo na rin si Jacob, at sinalubong siya ng mga anghel ng Diyos. 2 Nang makita sila ni Jacob, sinabi niya, "Ito ang kampo ng Diyos," kaya tinawag niya ang lugar na iyon na Mahanaim. 3 Nagpadala si Jacob ng mga mensahero para sa kanyang kapatid na si Esau, sa lupain ng Seir, sa rehiyon ng Edom. 4 Inutusan niya sila at sinabing, "Ito ang sasabihin ninyo sa aking panginoon na si Esau: "Ito ang sinasabi ng iyong alipin na si Jacob: 'Naninirahan ako kapiling ni Laban hanggang ngayon. 5 Mayroon akong mga baka, mga asno, at mga kawan, babae at lalaking mga alipin. Nagpadala ako para sabihin ito sa aking panginoon, upang makasumpong ako ng pabor sa iyong paningin."' 6 Bumalik ang mga mensahero kay Jacob at sinabi, "Pumunta kami sa iyong kapatid na si Esau. Paparito siya upang makipagkita sa iyo at may kasama siyang apat na daang tao." 7 Labis na natakot at nababahala si Jacob. Kaya hinati niya ang mga taong kasama sa dalawang kampo pati ang mga kawan, mga pangkat ng mga hayop at mga kamelyo. 8 Sinabi niya, "Kapag sinalakay ni Esau ang isang kampo, ang naiwang kampo ay makakatakas." 9 Sinabi ni Jacob, "Diyos ng aking amang si Abraham, Diyos ng aking amang si Isaac, Yahweh, na siyang nagsabi sa akin, 'Bumalik ka sa iyong bansa at sa iyong mga kamag-anak at pasasaganain kita,' 10 Hindi ako karapat-dapat sa lahat ng iyong mga gawa ng tipan ng katapatan at lahat ng pagtitiwalang ginawa mo para sa iyong lingkod. Dahil tungkod ko lamang ang dala ko nang tumawid dito sa Jordan, at ngayon naging dalawang kampo ako. 11 Pakiusap iligtas mo ako sa kamay ng aking kapatid, sa kamay ni Esau, sapagkat natatakot ako sa kanya, na darating siya at sasalakayin ako at mga ina na kasama ang kanilang mga anak. 12 Ngunit sinabi mo, "Tiyak na gagawin kitang masagana. Gagawin ko ang iyong mga kaapu-apuhan na parang buhangin ng dagat, na hindi kayang bilangin dahil sa kanilang dami."'' 13 Nanatili doon si Jacob sa gabing iyon. Kumuha siya ng ilan sa kung anong mayroon siya bilang regalo kay Esau, na kanyang kapatid: 14 dalawandaang babaeng kambing at dalawampung lalaking kambing, dalawandaang babaeng tupa at dalawampung lalaking tupa, 15 tatlumpung gatasang kamelyo at kanilang mga bisiro, apatnapung baka at sampung toro, dalawampung babaeng asno at sampung lalaking asno. 16 Ang mga ito ay ipinadala niya sa kanyang mga lingkod, bawat kawan ayon sa sarili nito. Sinabi niya sa kanyang mga lingkod, "Mauna kayo sa akin at maglagay ng puwang sa paggitan ng bawat mga kawan." 17 Inutusan niya ang unang lingkod, na nagsasabing, "Kapag salubungin kayo ng aking kapatid at tanungin kayo, na nagsasabing, 'Kanino kayo nabibilang? Saan kayo pupunta? At kanino naman itong mga hayop sa harap ninyo?' 18 Sa gayon sasabihin mong, 'Sila ay kay Jacob na iyong lingkod. Sila ay regalong pinadala sa aking among si Esau. At tingnan ninyo, siya ay paparating din kasunod namin."' 19 Nagbigay din si Jacob ng tagubilin sa pangalawang pangkat, sa pangatlo, at sa lahat ng taong nakasunod sa kawan. Sinabi niya, "Ganun din ang sasabihin ninyo kay Esau kapag nakasalubong ninyo siya. 20 Sasabihin din ninyo, 'Ang iyong lingkod na si Jacob ay darating kasunod namin.''' Pagkat naisip niya, "Mapapalubag ko siya sa mga regalong pinapadala kong nauna sa akin. Sa gayon maya-maya, kapag nagkita kami, marahil tatanggapin niya ako." 21 Kaya nauna sa kanya ang mga regalo. Siya mismo ay nanatili sa kampo nang gabing iyon. 22 Bumangon si Jacob sa kalagitnaan ng gabi, at dinala ang kanyang dalawang asawa, kanyang dalawang babaeng alipin, at ang kanyang labing isang mga anak. Pinadala niya sila sa kabila ng sapa ng Jabbok. 23 Sa ganitong paraan pinadala niya sila sa kabila ng ilog kasama ang lahat ng kanyang mga ari-arian. 24 Mag-isang naiwan si Jacob, at may taong nakipagbuno sa kanya hanggang madaling araw. 25 Nang makita ng tao na hindi niya siya kayang talunin, hinampas niya ang balakang ni Jacob. Napilayan ang balakang ni Jacob sa pakikipagbuno niya sa kanya. 26 Sinabi ng tao, "Pahintulutan mo akong umalis, pagkat mag-uumaga na." Sabi ni Jacob, "Hindi kita pahihintulutang umalis maliban kung pagpalain mo ako." 27 Sinabi ng tao sa kanya, "Ano ang pangalan mo?" Sinabi ni Jacob, "Jacob." 28 Sinabi ng tao, "Ang pangalan mo ay hindi na tatawaging Jacob, sa halip, Israel na. Sapagkat nakipaglaban ka sa Diyos at sa tao at nanaig ka." 29 Tinanong siya ni Jacob, "Pakiusap sabihin mo sa akin ang iyong pangalan." Sinabi nito, "Bakit mo tinatanong ang aking pangalan?" Pagkatapos siya ay kanyang pinagpala. 30 Tinawag ni Jacob ang lugar na iyon na Peniel sapagkat ang sabi niya, "Nakita ko ang mukha ng Diyos nang harapan, at iniligtas ang buhay ko." 31 Sinikatan ng araw si Jacob habang dumadaan siya sa Peniel. Paika-ika siya dahil sa kanyang balakang. 32 Kaya hanggang ngayon ang bayan ng Israel ay hindi kumakain ng mga litid ng balakang na nasa dugtong ng balakang, dahil ang taong pumilay sa mga litid ng balakang na nasa habang inaalis sa puwesto ang balakang ni Jacob.

Chapter 33

1 Tumingala si Jacob at masdan, paparating si Esau, at kasama niya ang apatnaraang lalaki. Hinati ni Jacob ang mga bata kina Lea, Raquel at sa dalawang babaeng alipin. 2 Pagkatapos inilagay niya ang mga babaeng alipin at ang kanilang mga anak sa harapan, kasunod si Lea at ang kanyang mga anak, at kasunod si Raquel at si Jose ang pinakahuli sa lahat. 3 Siya mismo ang nauna sa kanila. Yumukod siya ng pitong beses, hanggang makalapit siya sa kanyang kapatid. 4 Tumakbo si Esau para salubungin siya, niyakap siya, niyapos ang kanyang leeg, at hinalikan siya. Pagkatapos sila'y nag-iyakan. 5 Nang tumingala si Esau, nakita niya ang mga babae at mga bata. Sinabi niya, "Sino itong mga taong kasama mo?" Sinabi ni Jacob, "Ang mga anak na malugod na ipinagkaloob ng Diyos sa iyong lingkod." 6 Pagkatapos ang mga babaeng alipin ay lumapit kasama ang kanilang mga anak, at sila'y yumukod. 7 Sunod na lumapit si Lea at ang kanyang mga anak at yumukod. Sa huli, si Jose at si Raquel ay lumapit at yumukod. 8 Sinabi ni Esau, "Anong ibig mong sabihin sa lahat ng mga pangkat na nasalubong ko?" Sinabi ni Jacob, "Upang makasumpong ako ng pabor sa paningin ng aking panginoon." 9 Sinabi ni Esau, "Mayroon na akong sapat, kapatid ko. Itago mo na kung ano ang mayroon ka para sa iyong sarili." 10 Sinabi ni Jacob, "Hindi, pakiusap, kung nakasumpong ako ng pabor sa iyong paningin, sa gayon tanggapin mo ang aking regalo mula sa aking kamay, dahil tunay, nakita ko ang iyong mukha at kahalintulad nito ang pagkakita sa mukha ng Diyos, at tinanggap mo ako. 11 Pakiusap tanggapin mo ang aking mga regalong dinala ko sa iyo, dahil malugod akong pinakitunguhan ng Diyos, at dahil mayroon na akong sapat." Kaya pinilit siya ni Jacob, at tinanggap naman ito ni Esau. 12 Pagkatapos sinabi ni Esau, "Lumakad na tayo. Mauuna ako sa inyo." 13 Sinabi ni Jacob sa kanya, "Nalalaman ng aking panginoon na ang mga bata ay musmos pa lang, at ang mga tupa at mga baka ay nagpapasuso ng kanilang mga anak. Kung sila'y pipiliting maglakad ng mabilis kahit isang araw lang, ang lahat ng mga hayop ay mamamatay." 14 Pakiusap ko mauna na ang aking panginoon sa kanyang lingkod. Maglalakbay ako ng mabagal, ayon sa hakbang ng aking mga alagang hayop na nasa harapan ko, at ayon sa hakbang ng mga bata, hanggang makarating ako sa aking panginoon sa Seir." 15 Sinabi ni Esau, "Hayaan mong ipaiwan ko sa iyo ang ilan sa mga kasama kong tauhan." Subalit sinabi ni Jacob, "Bakit mo gagawin iyan? Ang aking panginoon ay naging mabait nang sa akin." 16 Kaya sa araw na iyon nagsimula si Esau na bumalik sa Seir. 17 Naglakbay si Jacob papuntang Sucot, iginawa ang kanyang sarili ng bahay, at gumawa ng mga silungan para sa kanyang mga alagang hayop. Kaya tinawag ang pangalan ng lugar na Sucot. 18 Nang dumating si Jacob mula sa Paddan Aram, ligtas siyang nakarating sa lungsod ng Sechem, na nasa lupain ng Canaan. Nagkampo siya malapit sa lungsod. 19 Pagkatapos binili niya ang kapirasong lupa kung saan niya itinayo ang kanyang tolda mula sa mga anak na lalaki ni Hamor, na ama ni Sechem, sa halagang isandaang piraso ng pilak. 20 Nagtayo siya roon ng altar at tinawag itong El Elohe Israel.

Chapter 34

1 Ngayon si Dina, na babaeng anak ni Lea kay Jacob ay lumabas para makilala ang mga dalaga ng lupain. 2 Nakita siya ni Sechem, na anak ni Hamor na Hevita ang prinsipe ng lupain at hinila siya, nilapastangan at hinalay. 3 Naakit siya kay Dina, na anak ni Jacob. Minahal niya ang dalaga at magiliw na kinausap siya. 4 Kinausap ni Sechem ang kanyang amang si Hamor, sinabing, "Kunin mo ang dalagang ito para sa akin upang maging asawa ko." 5 Ngayon narinig ni Jacob na dinungisan niya si Dina na kanyang anak. Nasa bukid ang kanyang mga anak na lalaki kasama ng kanyang mga alagang hayop, kaya nanahimik si Jacob hanggang sa dumating sila. 6 Pumunta kay Jacob si Hamor na ama ni Sechem. 7 Dumating ang mga anak na lalaki ni Jacob na galing sa bukid nang marinig nila ang nangyari. Nasaktan ang mga lalaki. Labis silang nagalit dahil pinahiya nila ang Israel sa pagpupumilit sa kanyang sarili sa anak na babae ni Jacob, dahil ang bagay na iyon ay hindi dapat ginawa. 8 Nakipag-usap si Hamor sa kanila at sinabing, "Iniibig ng aking anak na si Sechem ang iyong anak na babae. Pakiusap ibigay mo siya sa kanya bilang asawa. 9 Makipag-asawa kayo sa amin, ibigay mo ang mga anak mong babae sa amin, at kunin ninyo ang mga anak naming babae para sa inyong sarili. 10 Maninirahan kayo sa amin, at magiging bukas ang lupain para sa inyo para manirahan at makipagkalakalan, at makakuha ng ari-arian." 11 Sinabi ni Sechem sa kanyang ama at sa kanyang mga kapatid na lalaki, "Hayaan ninyong makasumpong ako ng pabor mula sa inyong mga mata, at anuman ang sabihin ninyo sa akin ay ibibigay ko. 12 Hingiin ninyo sa akin gaano man kalaki ang dote at ragalong naisin ninyo, at ibibigay ko ang anumang sabihin ninyo sa akin, ngunit ibigay ninyo ang dalaga bilang asawa." 13 Sumagot ang mga anak na lalaki ni Jacob kay Sechem at kay Hamor na kanyang ama na may panlilinlang, sapagkat dinungisan ni Sechem si Dina na kanilang kapatid. 14 Sinabi nila sa kanila, "Hindi namin magagawa ang bagay na ito, ang pagbibigay ng aming kapatid na babae sa sinumang hindi tuli; sapagkat iyan ay magiging kahihiyan sa amin. 15 Sa kondisyong ito lamang kami makikipagkasundo sa inyo: kung magpapatuli kayo kagaya namin, kung ang bawat lalaki sa inyo ay tutuliin. 16 Sa gayon ibibigay namin ang aming mga anak na babae sa inyo, at kukunin namin ang inyong mga anak na babae para sa aming sarili, at makipamuhay kami sa inyo at tayo ay magiging isang bayan. 17 Ngunit kung hindi kayo makikinig sa amin at magpatuli, sa gayon kukunin namin ang aming kapatid at aalis kami." 18 Kinalugdan ni Hamor at ng kanyang anak na si Sechem ang kanilang mga sinabi. 19 Hindi na nag-atubili ang binatang gawin kung ano ang sinabi nila, dahil siya ay nalugod sa anak na babae ni Jacob, at dahil siya ang pinakamarangal na tao sa buong sambahayan ng kanyang ama. 20 Pumunta si Hamor at Sechem sa kanyang anak sa tarangkahan ng kanilang siyudad at nakipag-usap sa mga kalalakihan ng kanilang siyudad na sinasabing, 21 "Ang mga taong ito ay namumuhay ng payapa kasama natin, kaya hayaan natin silang mamuhay sa lupain at mangalakal dito, dahil tunay na ang lupain ay malawak na sapat para sa kanila. Kunin natin ang mga anak nilang babae bilang mga asawa, at ibigay natin sa kanila ang ating mga anak na babae. 22 Sa ganitong kondisyon lamang papayag ang mga kalalakihan na manirahan kasama natin at tayo'y maging isang bayan: kung tutuliin ang bawat lalaki sa atin, tulad ng sila ay tuli. 23 Hindi ba maaaring ang kanilang mga alagang hayop at ang kanilang ari-arian—lahat ng kanilang mga hayop ay magiging atin? Kaya makipagkasundo tayo sa kanila, at maninirahan sila kasama natin." 24 Lahat ng mga lalaki ng lungsod ay nakinig kay Hamor at Sechem, na kanyang anak. Nagpatuli ang bawat lalaki. 25 Sa ikatlong araw, nang matindi ang sakit ng sugat nila, ang dalawa sa mga anak na lalaki ni Jacob, sina Simeon at Levi na mga kapatid ni Dina, ang kanilang espada at pumunta sa lungsod na walang bantay, at pinatay ang lahat ng mga kalalakihan. 26 Pinatay nila si Hamor at Sechem na kanyang anak, sa pamamagitan ng talim ng espada. Kinuha nila si Dina mula sa bahay ni Sechem at umalis. 27 Ang ibang anak na lalaki ni Jacob ay pumunta sa mga patay na katawan at ninakawan nila ang siyudad, dahil nilapastangan ng mga tao ang kanilang kapatid na babae. 28 Kinuha nila ang kanilang mga kawan, mga pangkat ng hayop, mga asno at lahat ng bagay na nasa siyudad at nakapalibot na mga bukid kasama 29 ang lahat ng kanilang kayamanan. Hinuli nila ang lahat ng kanilang mga anak at mga asawa. Kinuha nila maging ang lahat ng bagay na nasa mga bahay. 30 Sinabi ni Jacob kay Simeon at Levi, "Nagdala kayo ng gulo sa akin upang bumaho ako sa mga naninirahan sa lupain, sa mga Cananeo at mga Perezeo. Kakaunti na lamang ang aking bilang. Kung iipunin nila ang kanilang mga sarili laban sa akin at lulusubin ako, malilipol ako, ako at ang aking sambahayan. 31 Ngunit sinabi ni Simeon at Levi, "Maari bang pakitunguhan ni Sechem ang aming kapatid na katulad ng babaeng bayaran?"

Chapter 35

1 Sinabi ng Diyos kay Jacob, "Humayo ka, pumunta ka sa Betel, at manatili roon. Gumawa ng altar doon sa Diyos, na nagpakita sa iyo nang ikaw ay tumakas mula kay Esau na iyong kapatid." 2 Pagkatapos sinabi ni Jacob sa kaniyang sambahayan at sa lahat ng kasama niya, "Ilayo ang mga dayuhang diyos na kapiling ninyo, linisin ang inyong mga sarili, at palitan ang inyong mga damit. 3 Pagkatapos umalis tayo at pumunta sa Betel. Magtatayo ako ng altar doon sa Diyos, na sumagot sa akin sa araw ng aking paghihinagpis, at naging kasama ko saan man ako pumaroon." 4 Kaya ibinigay nila kay Jacob ang lahat ng dayuhang mga diyos na nasa kanilang mga kamay at mga hikaw na nasa kanilang mga tainga. Inilibing ni Jacob ang mga ito sa ilalim ng puno ng kakayuhayng malapit sa Sequem. 5 Habang naglalakbay sila, ginawa ng Diyos na masindak ang mga siyudad na nakapaligid sa kanila, kaya hindi hinabol ng mga taong iyon ang mga anak ni Jacob. 6 Kaya dumatingsi Jacob sa Luz (iyon ay, Betel), na nasa lupain ng Canaan, siya at ang lahat ng mga taong kasama niya. 7 Siya ay gumawa ng altar doon at tinawag ang lugar na El Betel, dahil doon inihayag ng Diyos ng kanyang sarili sa kanya, nang tumatakas siya mula sa kanyang kapati. 8 Namatay si Debora, na tagapag-alaga ni Rebeka. Inilibing siya mula Betel sa ilalim ng kakayuhang puno, kaya tinawag itong Allon Bacuth. 9 Nang si Jacob ay dumating mula sa Paddan Aram, nagpakitaang muli ang Diyos sa kanya at pinagpala siya. 10 Sinabi ng Diyos sa kaniya "Ang pangalan mo ay Jacob, ngunit ang iyong pangalan mo ay hindi na tatawaging Jacob. Ang pangalan mo ay magiging Israel." Kaya tinawag ng Diyos ang kanyang pangalang Israel. 11 Sinabi ng Diyos sa kanya, "Ako ang Makapangyarihang Diyos. Maging mabunga ka at magpakarami. Isang bansa at samahan ng mga bansa ang manggagaling sa iyo, at mga hari ang magiging mga kaapu-apuhan mo. 12 Ang lupaing ibinigay ko kina Abraham at Isaac, ibibigay ko sa iyo. Sa iyong mga kaapu-apuhang susunod sa iyo akin ding ibibigay ang lupain." 13 Umalis ang Diyos paakyat mula sa kanya sa lugar kung saan nakipag-usap siya sa kanya. 14 Si Nagtayo si Jacob ng haligi sa lugar kung saan nangusap sa kanya ang Diyos, isang haliging bato. Nagbuhos siya ng handog na inumin at nagbuhos ng langis doon. 15 Pinangalanan ni Jacob ang lugar kung saan nangusap sa kanya ang Diyos, na Betel. 16 Naglakbay pa sila mula sa Betel. Habang may kalayuan pa sila mula Eprath, nakaramdam na si Raquel ng panganganak. 17 Nakaranas siya ng matinding hirap sa panganganak. Habang siya ay nasa pinakamatinding kahirapan sa panganganak, sinabi ng hilot sa kanya "Huwag kang matakot, dahil ngayon magkakaroon ka ng isa pang anak na lalaki. 18 Habang naghihingalo siya, kasabay ng kanyang huling hininga pinangalanan niya siyang Benoni, ngunit ang kaniyang ama ay tinawag siyang Benjamin. 19 Namatay si Raquel at inilibing sa daan papunta sa Eprat (iyon ay, Betlehem). 20 Nagtayo si Jacob ng isang haligi sa ibabaw ng kanyang libingan. Iyon ang palatandaan ng libingan ni Raquel hanggang sa araw na ito. 21 Si Israel ay naglakbay pa at itinayo ang kaniyang tolda sa ibayo ng Migdal Eder. 22 Habang nakatira si Israel pa sa lupaing iyon, sumiping si Reuben kay Bilha na ibang asawa kanyang ama, at narinig ito ni Israel. Ngayon si Jacob ay may labindalawang anak na lalaki. 23 Ang kanyang mga anak na lalaki kay Lea ay sina Reuben, panganay ni Jacob, at si Simeon, Levi, Juda, Isacar, at Zebulun. 24 Ang kanyang mga anak na lalaki kay Raquel ay sina Jose at Benjamin. 25 Ang kanyang mga anak na lalaki kay Bilha, na babaeng lingkod ni Raquel, ay sina Dan at Neftali. 26 Ang mga anak na lalaki ni Zilpa, na babaeng lingkod ni Lea, ay sina Gad at Asher. Lahat ng mga ito ay mga anak na lalaki ni Jacob na ipinanganak sa kanya sa Paddan Aram. 27 Si Jacob ay pumunta kay Isaac, na kanyang ama, sa Mamre sa Kiriath Arba (pareho sa Hebron), kung saan nanirahan sina Abraham at Isaac. 28 Nabuhay si Isaac sa loob ng isandaan at walumpung taon. 29 Inihinga ni Isaacs ang kanyang huli at siya ay namatay, at tinipon siya sa kanyang mga ninuno, isang matandang lalaking ganap ang mga araw. Inilibing siya ng kanyang mga anak na sina Esau at Jacob.

Chapter 36

1 Ito ang mga kaapu-apuhan ni Esau (tinatawag ding Edom). 2 Kinuha ni Esau ang kanyang mga asawa mula sa mga Cananeo. Ito ang mga asawa niya: Si Ada na anak na babae ni Elon na Heteo; si Aholibama na anak na babae ni Ana, na apong babae ni Zibeon na Hivita; 3 at Basemat, anak na babae ni Ismael, na kapatid na babae ni Nebayot. 4 Isinilang ni Ada si Elifaz kay Esau, at si Basemat ay isinilang si Reuel. 5 Isinilang ni Aholibama sina Jeus, Jalam at Korah. Ito ang mga anak na lalaki ni Esau na ipinanganak sa kanya sa lupain ng Canaan. 6 Dinala ni Esau ang kanyang mga asawa, mga anak na lalaki, mga anak na babae, lahat ng mga kabilang sa kanyang sambahayan, kanyang mga alagang hayop—lahat ng kanyang mga hayop, at lahat ng kanyang mga ari-arian, na tinipon niya sa lupain ng Canaan, at pumunta sa lupaing malayo sa kanyang kapatid na si Jacob. 7 Ginawa niya ito dahil ang ari-arian nila ay napakarami para manatili silang magkasama. Ang lupain kung saan sila nanirahan ay hindi sila kayang itaguyod dahil sa kanilang mga alagang hayop. 8 Kaya nga si Esau, na tinatawag ding Edom, ay nanirahan sa bansang burol ng Seir. 9 Ang sumusunod ay ang mga kaapu-apuhan ni Esau, ang ninuno ng mga Edomita sa bansang burol ng Seir. 10 Ito ang mga pangalan ng mga lalaking anak ni Esau: Si Elifaz na lalaking anak ni Ada, asawa ni Esau; Si Reuel na lalaking anak ni Basemat, asawa ni Esau. 11 Ang mga lalaking anak ni Elifaz ay sina Teman, Omar, Zefo, Galam, at Kenaz. 12 Ipinanganak si Amalek ni Timna, na ibang asawa ni Elifaz, na lalaking anak ni Esau. Ito ang mga lalaking apo ni Ada, asawa ni Esau. 13 Ito ang mga lalaking anak ni Reuel: Sina Nahat, Zera, Shammah, at Miza. Ito ang mga lalaking apo ni Basemat, asawa ni Esau. 14 Ito ang mga lalaking anak ni Aholibama, asawa ni Esau, na babaeng anak ni Ana at babaeng apo ni Zibeon. Ipinanganak niya para kay Esau sina Jeus, Jalam, at Korah. 15 Ito ang mga angkan kasama sa mga kaapu-apuhan ni Esau: ang mga kaapu-apuhan ni Elifaz, na panganay na anak ni Esau: sina Teman, Omar, Zefo, Kenaz, 16 Korah, Gatam, at Amalek. Ito ang mga angkang nanggaling kay Elifaz sa lupain ng Edom. Mga apo sila ni Ada. 17 Ito ang mga angkang mula kay Reuel, anak ni Esau: sina Nahat, Zera, Shammah, Miza. Ito ang mga angkang mula kay Reuel sa lupain ng Edom. Sila ang mga lalaking apo ni Basemat, asawa ni Esau. 18 Ito ang mga angkan ni Aholibama, asawa ni Esau: sina Jeus, Jalam, Kora. Ito ang mga angkang nagmula sa asawa ni Esau na si Aholibama, babaeng anak ni Ana. 19 Ito ang mga lalaking anak ni Esau, at ito ang kanilang mga angkan. 20 Ito ang mga lalaking anak ni Seir na Horeo, na mga naninirahan sa lupain: sina Lotan, Sobal, Zibeon, Ana, 21 Dishon, Ezer, at Disan. Ito ay mga angkan ng mga Horeo, na mga naninirahan sa Seir sa lupain ng Edom. 22 Ang mga lalaking anak ni Lotan ay sina Hori at Heman, at si Timna ang babaeng kapatid ni Lotan. 23 Ito ang mga lalaking anak ni Sobal: sina Alvan, Manahat, Ebal, Zefo, at Onam. 24 Ito ang mga lalaking anak ni Zibeon: si Aya at Ana. Ito ang Ana na nakahanap sa mainit na bukal sa kagubatan, habang nagpapastol siya ng mga asno ni Zibeon na kanyang ama. 25 Ito ang mga anak ni Ana: Sina Dishon at Aholibama, na babaeng anak ni Ana. 26 Ito ang mga lalaking anak ni Dishon: Sina Hemdan, Esban, Itran, at Keran. 27 Ito ang mga lalaking anak ni Ezer: sina Bilhan, Zaavan, at Akan. 28 Ito ang mga lalaking anak ni Dishan: sina Uz at Aran. 29 Ito ang mga angkan ng mga Horeo: ang Lotan, Shobal, Zibeon, at Ana, 30 Dishon, Ezer, Dishan: ito ang mga angkan ng mga Horeo, ayon sa kanilang mga talaan ng angkan sa lupain ng Seir. 31 Ito ang mga hari na namahala sa lupain ng Edom bago pa man mamahala ang sinumang hari sa mga Israelita: 32 Si Bela na lalaking anak ni Beor, ay namahala sa Edom, at ang pangalan ng kanyang siyudad ay Dinaba. 33 Nang mamatay si Bela, saka naman si Jobab lalaking anak ni Zerah ng Bozra, ang namahala bilang kahalili niya. 34 Nang namatay si Jobab, si Husham na mula sa lupain ng mga Temaneo ang nagharing kahalili niya. 35 Nang mamatay si Husham, si Hadad na lalaking anak ni Bedad, na tumalo sa mga Midianita sa lupain ng Moab, ang nagharing kahalili niya. Ang pangalan ng kanyang siyudad ay Avit. 36 Nang namatay si Hadad, si Samla naman ng Masreka ang nagharing kahalili niya. 37 Nang mamatay si Samla, si Saul ng Rehobot na tagatabing-ilog ang naghari kahalili niya. 38 Nang mamatay si Saul, si Baal Hanan naman na lalaking anak ni Acbor ang nagharing kahalili niya. 39 Nang si Baal Hanan na lalaking anak ni Acbor, ay mamatay, si Hadar naman ang nagharing kahalili niya. Ang pangalan ng kanyang siyudad ay Pau. Ang pangalan ng kanyang asawa ay Mehetabel, babaeng anak ni Matred, na babaeng apo ni Me Zahab. 40 Ito ang mga pangalan ng mga pinuno ng mga angkang nagmula sa lahi ni Esau, ayon sa kanilang mga angkan at kanilang mga rehiyon, sa kanilang mga pangalan: sina Timna, Alva, Jetet, 41 Aholibama, Ela, Pinon, 42 Kenaz, Teman, Mibzar, 43 Magdiel, at Iram. Ito ang mga pangulo ng angkan ng Edom, ayon sa kanilang pamayanan sa lupaing inagkin nila. Ito si Esau, ang ama ng mga Edomita.

Chapter 37

1 Nanirahan si Jacob sa lupain kung saan naroon ang kanyang ama, sa lupain ng Canaan. 2 Ito ang mga pangyayari tungkol kay Jacob. Nang labimpitong taong gulang pa lang si Jose, nagbabantay siya ng kawan kasama ang kanyang mga kapatid. Kasama niya ang mga anak na lalaki ni Bilhah at mga anak na lalaki ni Zilpah, mga asawa nang kanyang ama. Nagdala si Jose ng hindi kanais-nais na balita tungkol sa kanila sa kanilang ama. 3 Minahal ni Israel si Jose nang mas higit sa lahat ng kanyang anak na lalaki dahil siya ang anak niya sa katandaan. Ginawan siya nang isang magandang damit. 4 Nakita ng kanyang mga kapatid ang pagmamahal ng kanilang ama na mas higit kaysa sa lahat niyang kapatid na lalaki. Siya ay kinamuhian nila at hindi nakikipag-usap nang maayos. 5 Nanaginip si Jose ng isang panaginip, at sinabi niya sa kanyang mga kapatid ang tungkol dito. Lalo pa nila siyang kinamuhia. 6 Sinabi niya sa kanila, "Pakiusap makinig kayo sa panaginip na aking napanaginipan. 7 Masdan ninyo, itinatali natin ang mga bigkis ng mga butil sa bukid at masdan ninyo, tumayo ang aking bigkis at tumuwid, at masdan ninyo, pumalibot ang inyong mga bigkis at yumuko sa aking bigkis. 8 Sinabi sa kanya ng kanyang mga kapatid, "Magiging hari ka ba talaga namin? Mamumuno ka sa amin? "Lalo siyang kinamuhian dahil sa kanyang mga panaginip at sa kanyang mga salita. 9 Nanaginip siya ulit ng panaginip at sinabi niya ito sa kanyang mga kapatid. Sinabi niya, "Tingnan ninyo, nanaginip ako ng ibang panaginip: Ang araw at ang buwan at labing-isang bituin ay yumuko pababa sa akin." 10 Sinabi niya ito sa kanyang ama pati sa kanyang mga kapatid, at pinagsabihan siya ng kanyang ama. Sinabi niya sa kanya, "Ano itong panaginip na napaginipan mo? Talaga bang lalapit ang iyong ina, ako at ang mga kapatid mo para yumuko sa iyo sa lupa?" 11 Nainggit sa kanya ang kanyang mga kapatid, pero ang kanyang ama ay itinago ang bagay sa kanyang isip. 12 Umalis ang mga kapatid ni Jose upang magpastol ng kawan ng kanilang ama sa Sechem. 13 Sinabi ni Jacob kay Jose, "Hindi ba nagpapastol ng kawan ang iyong mga kapatid sa Sechem? Halika, at ipapadala kita sa kanila." Sinabi ni Jose sa kanya, "Nakahanda ako." 14 Sinabi niya sa kanya, "Umalis ka na ngayon, tingnan mo kung maayos ang mga kapatid mo at maayos ang mga kawan, at balitaan mo ako." Kaya pinadala siya ni Jacob sa lambak ng Hebron, at nagpunta si Jose sa Sichem. 15 May isang taong nakakita kay Jose. Masdan mo, si Jose ay pagala-gala sa isang bukid. Tinanong siya ng isang lalaki, "Ano ang hinahanap mo?" 16 Sinabi ni Jose, "Hinahanap ko ang aking mga kapatid. Pakiusap, sabihin mo sa akin kung saan nila nagpapastol ang kawan." 17 Sinabi ng lalaki, "Umalis na sila sa lugar na ito, narinig ko silang nagsabi na, "Pumunta tayo sa Dotan. Pinuntahan ni Jose ang kanyang mga kapatid at natagpuan sila sa Dotan. 18 Nakita nila si Jose mula sa di kalayuan, at bago siya makalapit sa kanila, nakapagplano na sila laban sa kanya para patayin siya. 19 Sinabi ng kanyang mga kapatid sa bawat isa, "Tingnan niyo, Papalapit na ang taong mapanaginipin. 20 Halikayo, kung ganon, patayin na natin siya at ihulog siya sa isa sa mga balon. Sabihin natin, 'Sinakmal siya ng isang mabangis na hayop.' Tingnan natin kung anong mangyayari sa kanyang mga panaginip." 21 Narinig ito ni Reuben at iniligtas siya mula sa kanilang kamay. Sinabi niya, "Huwag nating kunin ang kanyang buhay." 22 Sinabi ni Reuben sa kanila, "Huwag magpadanak ng dugo. Itapon siya sa balong ito sa deserto, ngunit huwag ninyo siyang hawakan"— upang mailigtas niya siya sa kanilang kamay para maibalik siya sa kanyang ama. 23 Nangyari na nang dumating si Jose sa kanyang mga kapatid, hinubad sa kaniya ang magandang damit. 24 Dinala siya at itinapon siya sa loob ng balon. Walang laman ang balon ni wala itong tubig. 25 Umupo sila para kumain ng tinapay. Tumingala sila at tumingin, at masdan, may paparating na isang karawan ng mga Ismaelita mula sa Gilead, kasama ang kanilang mga kamelyo na may dala-dalang mga sahog at balsamo at mira. Naglalakbay sila ay para dalhin ang mga iyon pababa sa Ehipto. 26 Sabi ni Juda sa kanyang mga kapatid, "Anong pakinabang nito kung papatayin ang ating kapatid at pagtakpan ang kanyang dugo? 27 Halina kayo, at ipagbili natin siya sa mga Ismaelita, at huwag natin siyang pagbuhatan ng kamay. Dahil siya ay ating kapatid, ating laman. Pinakinggan siya ng kanyang mga kapatid. 28 Dumaan ang mga mangangalakal na Midianita. Inihaon si Jose ng kanyang mga kapatid at iniakyat pataas mula sa balon. Ipinagbili nila si Jose sa mga Ismaelita para sa dalawampung pirasong pilak. Dinala si Jose ng mga Ismaelita sa Ehipto. 29 Bumalik si Reuben sa balon, at masdan, wala na si Jose sa loob ng balon. Pinunit niya ang kanyang damit. 30 Bumalik siya sa kanyang mga kapatid at sinabi, "Nasaan na ang bata? At ako, saan ako paparoon?" 31 Kumatay sila ang isang kambing at pagkatapos kinuha nila ang damit ni Jose at sinawsaw ito sa dugo. 32 Pagkatapos, dinala nila ito sa kanilang ama at sinabi, "Nakita namin ito. Pakiusap tingnan mo kung ito ang damit ng inyong anak o hindi?" 33 Nakilala ito ni Jacob at sinabi, "Ito ay damit ng aking anak. Sinakmal siya ng isang mabangis na hayop. Tiyak na nagkawasak-wasak ang katawan ni Jose." 34 Pinunit ni Jacob ang kanyang mga damit at naglagay siya ng sako sa kanyang balakang. Nagluksa siya para sa kanyang anak ng maraming araw. 35 Ang lahat ng kanyang mga anak na lalaki at babae ay pumunta para aliwin siya ngunit tumanggi siyang magpaaliw. Sabi niya, "Talagang bababa ako sa sheol na nagluluksa para sa aking anak." Nanangis ang kanyang ama para kanya. 36 Ipinagbili siya ng mga Midianita sa Ehipto kay Potipar, isang opisyal ni Paraon, na kapitan ng bantay.

Chapter 38

1 Dumating ang panahon na iniwan ni Juda ang kanyang mga kapatid na lalaki at tumira sa isang Adullamita, na ang pangalan ay Hira. 2 Nakilala niya si Sua na anak ng Cananeo na lalaki na ang pangalan ay Sua. Pinakasalan niya at sinipingan niya. 3 Siya ay nabuntis at nagkaroon ng anak na lalaki. Siya ay pinangalanan Er. 4 Nabuntis ulit siya at nagkaroon ng isang anak na lalaki. Tinawag niya siyang Onan. 5 Nagkaroon ulit siya ng isang anak at tinawag siya sa pangalang Selah. Ito ay sa Kizib kung saan siya ipinanganak. 6 Nakahanap si Juda ng isang asawa para kay Er, panganay niya. Ang pangalan niya ay Tamar. 7 Ang panganay niyang anak na si Er ay napakasama sa paningin ni Yahweh. Pinatay siya ni Yahweh. 8 Sinabi ni Juda kay Onan, "Sumiping ka kasama ng asawa ng iyong kapatid na lalaki. Gawin mo ang tungkulin bilang isang kapatid na lalaki, at palakihin mo ang isang bata para sa iyong kapatid. 9 Alam na ni Onan na ang bata ay hindi kanya. Kapag sumisiping siya kasama ng asawa ng kanyang kapatid na lalaki, tinatapon niya sa lupa ang kanyang semilya upang hindi siya magkaroon ng anak para sa kanyang kapatid na lalaki. 10 Ang ginawa niya ay naging masama sa paningin ni Yahweh. Pinatay din siya ni Yahweh. 11 Pagkatapos sinabi ni Juda kay Tamar, na kanyang manugang, "Manatili kang biyuda sa bahay ng iyong ama hanggang sa lumaki si Selah na aking anak." Dahil sa isip niya, "Baka mamatay din siya katulad ng kanyang mga kapatid." Umalis si Tamar at nanirahan sa bahay ng kanyang ama. 12 Pagkatapos ng mahabang panahon, ang anak na babae ni Sua na asawa ni Juda ay namatay. Si Juda ay naaliw at pumunta pataas sa kanyang mga manggugupit ng balahibo ng tupa sa Timnat, siya at ang kanyang kaibigan na si Hira na isang Adullamita. 13 Nasabihan si Tamar, "Tingnan mo, ang iyong biyenan na lalaki ay pupunta pataas sa Timnat upang gupitan ang balahibo ng kanyang mga tupa." 14 Hinubad niya ang damit sa pagkabalo at tinakpan ang kanyang sarili ng isang belo at ibinalot ang sarili. Umupo siya sa tarangkahan ng Enaim, sa tabi ng daan patungong Timnat. Dahil nakita niyang si Selah ay lumaki na ngunit hindi siya binigay bilang asawa niya. 15 Nang makita siya ni Juda naisip niya na siya ay isang babaeng bayaran dahil tinakpan niya ang kanyang mukha. 16 Pumunta siya sa kanya sa tabing daan at sinabi, "Halika, pakiusap hayaan mo akong sumiping sa iyo."- Dahil di niya alam na siya ang manugang niya- at sinabi niya, "Anong ibibigay mo sa akin para sipingan kita?" 17 Sinabi niya, "Papadalhan kita ng isang batang kambing na mula sa kawan." Sinabi niya, "Maaari mo ba akong bigyan ng isang sangla hanggang maipadala mo ito?" 18 Sinabi niya, "Anong sangla ang maaari kong ibigay sa iyo?" At sinabi niya, "Ang inyong selyo at kordon, at ang tungkod na nasa iyong kamay." Ibinigay ito sa kanya at sinipingan siya. Siya ay nabuntis sa pamamagitan niya. 19 Tumindig si Tamar at umalis palayo. Inalis niya ang kanyang belo at isinuot ang damit sa kanyang pagkabalo. 20 Ipinadala ni Juda ang batang kambing mula sa kawan kasama ang kanyang kaibigan na Adullamita para tanggapin ang sangla na mula sa kamay ng babae, ngunit hindi na niya siya nakita. 21 Pagkatapos nito ay tinanong ng Adullamita ang mga lalaki sa lugar, "Nasaan na ang kultong babaeng bayaran na nasa Enaim sa tabing daan? "Sinabi nila, wala namang kultong babaeng bayaran dito." 22 Bumalik siya kay Juda at sinabi, "Hindi ko siya nakita. Maging ang mga lalaki sa lugar ay nagsabi, 'Walang naging kultong babaeng bayaran dito. 23 Sinabi ni Juda, "Hayaan mong itago niya ang mga bagay, baka malagay tayo sa kahihiyan. Totoo nga, ipinadala ko ang batang kambing, ngunit hindi mo siya natagpuan." 24 Dumating ang panahon, pagkalipas ng tatlong buwan na sinabi kay Juda, "Ang iyong manugang na si Tamar ay naging babaeng bayaran, at totoo nga, siya ay nabuntis sa dahil doon." Sinabi ni Juda, "Siya'y ilabas upang sunugin." 25 Nang siya ay dinala palabas, nagpadala siya ng mensahe para sa kanyang biyenan na lalaki, "Dahil sa lalaking nagmamay-ari nito nabuntis ako." Sabi niya, "Pakiusap alamin ninyo kung kaninong selyo, mga kordon at tungkod ito." 26 Nakilala ni Juda ang mga ito at sinabi, "Siya ay mas matuwid kaysa sa akin, dahil hindi ko siya ibinigay bilang isang asawa kay Selah, na aking anak na lalaki." Siya ay hindi na muling sumiping sa kanya. 27 Nang siya ay manganganak na, masdan, kambal ang nasa kanyang sinapupunan. 28 Nang nanganganak na siya, may isang naglabas ng kamay, at kinuha ng komadrona ang isang pulang sinulid at itinali ito sa kanyang kamay at sinabi, "Ito ang unang lumabas." 29 nang inurong niya ang kanyang kamay, at masdan, ang kapatid niyang lalaki ay unang lumabas. Ang komandrona ay nagsabi, "Paano ka nakalabas!" At pinangalanan siyang Perez. 30 Pagkatapos ang kapatid niya ay lumabas, na mayroong pulang sinulid sa kanyang kamay, at Zera ang ipinangalan sa kanya.

Chapter 39

1 Dinala si Jose pababa sa Ehipto. Binili siya ni Potipar, na isang opisyal at kapitan ng mga bantay ni Paraon at isang taga-Ehipto, mula sa mga Ismaelita, na nagdala sa kanya doon. 2 Si Yahweh ay kasama ni Jose at siya'y naging mayamang tao. Nanirahan siya sa bahay ng kanyang amo na taga-Ehipto. 3 Nakita ng kanyang amo na kasama niya si Yahweh at lahat ng ginawa niya ay pinasagana ni Yahweh. 4 Nakitaan si Jose ng pabor sa kanyang paningin. Pinaglingkuran niya si Potipar. Ginawa ni Potipar na tagapangasiwa si Jose ng kanyang bahay, at lahat ng nasa kanya, nilagay niya lahat sa ilalim ng kanyang pangangalaga. 5 Dumating ang panahon na ginawa siyang tagapangasiwa ng kanyang bahay at sa lahat ng kanyang pagmamay-ari, kaya pinagpala ni Yahweh ang buong bahay ng taga-Ehipto dahil kay Jose. Ang pagpapala ni Yahweh ay nasa lahat ng bagay na pagmamay-ari ni Potipar sa kanyang bahay at sa kanyang bukid. 6 Inilagay ni Potipar ang lahat ng nasa kanya sa ilalim ng pangangalaga ni Jose. Hindi na niya kailangan mag-isip tungkol sa anumang bagay maliban sa pagkain na kinakain niya. Ngayon si Jose ay matipuno at kaakit-akit. 7 Dumating ang panahon na pinagnanasaan si Jose ng asawa ng kanyang amo. Sinabi niya, "Sumiping ka sa akin". 8 Ngunit tinanggihan niya ito at sabay sabi sa asawa ng kanyang amo, "Tingnan mo, ang amo ko ay di-nagbigay pansin sa kung ano ang pinaggagawa ko dito sa bahay, at nilagay niya lahat ng kanyang pag-aari sa ilalim ng aking pangangalaga. 9 Walang mas nakakataas sa pamamahay na ito maliban sa akin. Wala siyang anumang pinagkait sa akin maliban sa iyo, dahil ikaw ang asawa niya. Paano ko kaya magagawa itong malaking kasamaan at magkakasala laban sa Diyos?" 10 Kinausap niya si Jose sa bawat araw, ngunit tumanggi pa rin siya na sipingan siya o para makasama siya. 11 Dumating ang isang araw na pumunta siya sa bahay para gawin ang kanyang gawain. Walang sinuman sa mga lalaki sa bahay ang naroon sa bahay. 12 Siya ay hinablot niya sa pamamagitan ng kanyang damit at sinabi, "Sipingan mo ako." Naiwanan niya ang kanyang damit sa kanyang kamay, lumayo, at nagpunta sa labas. 13 Dumating ang panahon, nang makita niya na naiwanan ni Jose ang kanyang damit sa kanyang kamay at lumayo palabas, 14 tinawag niya ang mga lalaki sa kanyang bahay at sinabi sa kanila, "Tingnan ninyo, nagdala si Potipar ng isang Hebreo para hamakin tayo. Pinuntahan niya ako para sipingan ako, at ako ay sumigaw. 15 Dumating ang panahon nang marinig niya akong sumigaw, naiwan niya ang kanyang damit sa akin, lumayo, at pumunta sa labas." 16 Tinabi niya ang damit hanggang sa makauwi ang kanyang amo sa bahay. 17 Sinabi niya sa kanya ang paliwanag na ito, "Ang lingkod na Hebreo na dinala mo sa amin ay nagpunta sa akin para hamakin ako. 18 Nang sumigaw ako, iniwan niya ang kanyang damit sa akin at lumayo palabas." 19 Dumating ang panahon, nang marinig ng kanyang amo ang pagpapaliwanag ng kanyang asawa sa kanya, "Ito ang ginawa ng iyong lingkod sa akin," siya ay naging labis na galit. 20 Kinuha si Jose ng kanyang amo at siya ay nilagay sa bilangguan, ang lugar na kung saan nakakulong ang mga bilanggo ng hari. Siya ay naroon sa bilangguan. 21 Ngunit si Yahweh ay kasama ni Jose at siya ay nagpakita katapatan sa tipan sa kanya. Siya ay binigyan niya ng kagandahang-loob sa paningin ng bantay ng kulungan. 22 Binigay ng bantay ng kulangan sa kamay ni Jose ang pamamahala sa lahat ng bilanggo sa kulungan. Kahit anong gawin nila roon, si Jose ang namamahala. 23 Wala ng inaalalang anuman ang bantay ng kulungan na nasa kamay ni Jose, dahil si Yahweh ay kasama niya. Kahit anong gawin niya, pinasagana siya ni Yahweh.

Chapter 40

1 Dumating ang panahon pagkatapos ng mga bagay na ito, ang tagahawak ng saro at ang panadero ng hari ng Ehipto ay nagkasala sa kanilang amo, na hari ng Ehipto. 2 Galit si Paraon sa dalawa niyang mga opisyal, ang punong tagahawak ng saro at ang punong panadero. 3 Sila ay nilagay niya sa kulungan sa pangangasiwa ng kapitan ng mga bantay, sa parehong kulungan kung saan nakabilanggo si Jose. 4 Tinalaga ng kapitan ng mga bantay si Jose na maging tagapaglingkod nila. Nananatili silang nakabilanggo sa kaunting panahon. 5 Pareho silang nanaginip ng isang panaginip—ang tagahawak ng saro at ang panadero ng hari ng Ehipto na nakakulong sa bilangguan—bawat isa ay may sariling panaginip sa parehong gabi, at bawat panaginip ay mayroong sariling paliwanag. 6 Kinaumagahan, dumating si Jose sa kanila at sila ay nakita niya. Masdan, sila ay malungkot. 7 Tinanong niya ang mga opisyal ni Paraon na kasama niya sa pagbabantay sa bahay ng kanyang amo, nagsasabing, "Bakit kayo labis na malungkot ngayong araw na ito?" 8 Sinabi nila sa kanya, "Pareho kaming nanaginip ng isang panaginip at wala ni isa ang makapagpaliwanag nito." Sinabi ni Jose sa kanila, "Hindi ba ang mga pagpapaliwanag ay nabibilang sa Diyos? Pakiusap, sabihin niyo sa akin." 9 Sinabi ng punong tagahawak ng saro kay Jose ang kanyang panaginip. Sinabi niya sa kanya, "Sa aking panaginip, narito, isang puno ng ubas ay nasa harapan ko. 10 Sa puno ng ubas ay may tatlong mga sanga. Habang ito ay sumisibol, ang mga bulaklak nito ay lumabas at ang mga buwig ng ubas ay nahinog. 11 Nasa kamay ko ang saro ni Paraon. Kinuha ko ang mga ubas at piniga ko ito sa saro ni Paraon, at nilagay ko ang saro sa kamay ni Paraon." 12 Sinabi ni Jose sa kanya, "Ito ang paliwanag nito. Ang tatlong mga sanga ay tatlong mga araw. 13 Sa loob ng tatlong mga araw, itataas ni Paraon ang iyong ulo at ibabalik ka niya sa iyong katungkulan. Ilalagay mo ang saro ni Paraon sa kanyang kamay, katulad noong ikaw pa ang kanyang tagahawak ng saro. 14 Ngunit isipin mo ako kung ikaw ay mapabuti na, at pakiusap pakitaan mo ako ng kagandahang loob. Banggitin mo ako kay Paraon at palabasin ako sa bilangguang ito. 15 Dahil ang totoo ako ay inagaw palabas sa lupain ng mga Hebreo. Dito naman ay wala akong ginawa para ilagay nila ako sa bartolinang ito." 16 Nang makita ng punong panadero na ang paliwanag ay kaaya-aya, sinabi niya kay Jose, "Nagkaroon din ako ng panaginip at narito, tatlong mga sisidlan ng tinapay ang nasa aking ulo. 17 Ang nasa taas na sisidlan ay lahat ng mga uri ng mga pagkain na naluto para kay Paraon, ngunit kinain ito ng mga ibon palabas ng sisidlan na nasa aking ulo." 18 Sumagot si Jose at sinabi, "Ito ang paliwanag. Ang tatlong mga basket ay tatlong mga araw. 19 Sa loob ng tatlong mga araw ay itataas ni Paraon ang iyong ulo at bibitayin ka sa puno. Kakainin ng mga ibon ang iyong laman." 20 Dumating ang panahon sa ikatlong araw ay ang kaarawan ni Paraon. Gumawa siya ng salu-salo para sa lahat ng kanyang mga lingkod. Siya ay nagbigay ng natatanging pansin sa punong tagahawak ng saro at sa punong panadero, na mas higit sa lahat ng iba niyang mga lingkod. 21 Binalik niya ang punong tagahawak ng saro sa kanyang pananagutan, at muli niyang nilagay ang saro sa kamay ni Paraon. 22 Ngunit binitay niya ang punong panadero gaya ng paliwanag ni Jose sa kanila. 23 Ganoon pa man ay hindi naalala ng punong tagahawak ng saro na tulungan si Jose. Sa halip, kinalimutan niya ang tungkol sa kanya.

Chapter 41

1 Nangyari na pagkatapos ng dalawang buong taon, na nagkaroon si Paraon ng panaginip. Masdan, nakatayo siya sa tabi ng Ilog Nilo. 2 Masdan, may pitong bakang kanais-nais at matataba ang umahon mula sa Nilo, at nanginain sila sa mga tambo. 3 Masdan, may pitong iba pang mga bakang hindi kanais-nais at payat ang umahon kasunod nila sa Nilo. Tumayo sila katabi ng ibang mga baka sa pampang ng ilog. 4 Pagkatapos, kinain ng pitong hindi kanais-nais at payat na baka ang pitong kanais-nais at matabang baka. Pagkatapos, nagising si Paraon. 5 Natulog siya at nanaginip sa pangalawang pagkakataon. Masdan, pitong uhay ng butil ang tumubo sa isang tangkay, malulusog at mabubuti. 6 Masdan, pitong uhay, payat at nilanta ng silangang hangin ang umusbong kasunod nila. 7 Nilunok ng mga payat na uhay ang pitong malulusog at buong uhay. Gumising si Paraon at masdan, iyon ay panaginip. 8 Kinaumagahan ay nabagabag ang kaniyang espiritu. Pinapunta niya at pinatawag ang lahat ng mga salamangkero at mga pantas ng Ehipto. Sinabi sa kanila ni Paraon ng kaniyang mga panaginip, pero walang ni isa ang makapagpaliwanag ng mga iyon kay Paraon. 9 Pagkatapos sinabi ng punong tagahawak ng saro kay Paraon, "Ngayon naiisip ko ang aking mga pagkukulang. 10 Nagalit si Paraon sa kaniyang mga lingkod, at inilagay ako sa pangangalaga sa bahay ng kapitan ng mga bantay, ang punong panadero at ako. 11 Nanaginip kami ng isang panaginip sa parehong gabi, siya at ako. Nanaginip kami bawat tao ayon sa paliwanag ng kaniyang panaginip. 12 Doon kasama namin ang isang binatang Hebreo, na isang lingkod ng kapitan ng mga bantay. Sinabi namin sa kaniya at pinaliwanag niya sa amin ang aming mga panaginip. Ipinaliwanag niya sa bawat isa sa amin na ayon sa aming panaginip. 13 Nangyari na kung ano ang ipinaliwanag niya sa amin, iyon ang nangyari. Binalik ako ni Paraon sa aking tungkulin, pero ang isa ay kaniyang binitay." 14 Pagkatapos pinadala at pinatawag ni Paraon si Jose. Mabilis nila siyang inilabas mula sa piitan. Inahitan niya ang kaniyang sarili, pinalitan ang kaniyang damit, at pumunta kay Paraon. 15 Sinabi ni Paraon kay Jose, "Mayroon akong panaginip pero walang tagapagpaliwanag nito. Pero narinig ko ang tungkol sa iyo, na kapag makarinig ka ng panaginip ay maipapaliwanag mo ito. ” 16 Sinagot ni Jose si Paraon, sinabing, "Hindi ito nasa akin. Ang Diyos ang sasagot kay Paraon na may kagandahang loob." 17 Nagsalita si Paraon kay Jose, "Sa panaginip ko, masdan, nakatayo ako sa pampang ng Nilo. 18 Masdan, pitong mga bakang matataba at kanais-nais ang umahon mula sa Nilo at nanginain sila sa mga tambo. 19 Masdan, pitong ibang mga bakang mahihina, hindi kanais-nais at payat ang umahon kasunod nila. Hindi kailanman ako nakakita sa buong lupain ng Ehipto ng ganoong pagka hindi kanais-nais na katulad nila. 20 Kinain ng payat at hindi kanais-nais na mga baka ang unang pitong matatabang mga baka. 21 Nang matapos nilang kainin ang mga ito, hindi malalamang sila ay kinain nila, dahil sa sila ay nanatiling hindi kanais-nais tulad ng dati. Pagkatapos nagising ako. 22 Tumingin ako sa aking panaginip at masdan, pitong uhay ang umusbong sa isang tangkay, puno at mabubuti. 23 Masdan, pito pang mga uhay, lanta, payat at nilanta ng silangang hangin, ang umusbong kasunod nila. 24 Nilunok ng mga payat na uhay ang pitong mabubuting uhay. Sinabi ko itong mga panaginip na ito sa mga salamangkero, pero walang ni isa ang makapagpaliwanag nito sa akin." 25 Sinabi ni Jose kay Paraon, "Ang mga panaginip ni Paraon ay magkatulad. Kung ano ang gagawin ng Diyos, ipinahayag na niya kay Paraon. 26 Ang pitong mga mabubuting baka ay pitong taon at ang pitong mga mabubuting uhay ay pitong taon. Ang mga panaginip ay magkatulad. 27 At ang pitong payat at hindi kanais-nais na mga baka na umahon kasunod nila ay pitong taon, at saka ang pitong payat na uhay na nilanta ng silangang hangin ay magiging pitong taon ng taggutom. 28 Iyon ang bagay na sinabi ko kay Paraon. Kung ano ang gagawin ng Diyos ipinakita na niya kay Paraon. 29 Tingnan mo, pitong taon ng dakilang kasaganahan ang darating sa buong lupain ng Ehipto. 30 Pitong taon ng taggutom ay darating pagkatapos nila at lahat ng kasaganahan ay makakalimutan sa lupain ng Ehipto at ang taggutom ay wawasak sa lupain. 31 Ang kasaganahan ay hindi na maaalala sa lupain dahil sa taggutom na susunod, dahil ito ay magiging napakalala. 32 Ang panaginip ay inulit kay Paraon sa kadahilanang ang mga bagay ay itinatag na ng Diyos at hindi magtatagal ay gagawin ito ng Diyos. 33 Ngayon hayaang maghanap si Paraon ng taong marunong at matalino, at ilagay siya sa pamamahala sa lupain ng Ehipto. 34 Hayaan si Paraon na gawin ito: hayaan siyang humirang ng mga tagapangasiwa sa lupain. Hayaan silang kumuha ng ikalima sa mga pananim ng Ehipto sa pitong saganang taon. 35 Hayaan silang tipunin lahat ng pagkain ng mga paparating na mabubuting taon. Hayaan silang mag-imbak ng mga butil sa ilalim ng kapangyarihan ni Paraon para sa pagkain sa mga siyudad. Hayaan silang bantayan ito. 36 Ang pagkain ay magiging panustos sa lupain para sa pitong taong taggutom na mangyayari sa lupain ng Ehipto. Sa ganitong paran ang lupain ay hindi mawawasak dahil sa taggutom." 37 Ang payong ito ay mabuti sa mga mata ni Paraon at sa mga mata ng lahat ng kaniyang mga lingkod. 38 Sinabi ni Paraon sa kaniyang mga lingkod, "Makakasumpong kaya tayo ng ganitong tao, na kinakasihan ng Espiritu ng Diyos?" 39 Kaya sinabi ni Paraon kay Jose, "Dahil pinakita ng Diyos ang lahat ng ito sa iyo, wala ng ibang marunong at matalinong tulad mo. 40 Mangingibabaw ka sa aking bahay at ayon sa salita mo pamamahalaan ang lahat ng tauhan ko. Tanging sa trono lamang ako ay magiging higit na mataas kaysa sa iyo. 41 Sinabi ni Paraon kay Jose, "Tingnan mo, inilagay kita sa itaas ng buong lupain ng Ehipto." 42 Tinanggal ni Paraon ang kaniyang singsing na pantatak mula sa kaniyang kamay at nilagay niya ito sa kamay ni Jose. Binihisan niya siya ng mga damit na pinong lino at nilagyan ng gintong kuwintas sa kaniyang leeg. 43 Pinasakay niya siya sa ikalawang karo na pag-aari niya. Sumigaw ang mga lalaki sa harapan niya, "Ibaluktot ang tuhod." Nilagay siya ni Paraon sa itaas ng lupain ng Ehipto. 44 Sinabi ni Paraon kay Jose, "Ako si Paraon at maliban sa iyo, walang taong magtataas ng kaniyang kamay o kaniyang paa sa lahat ng lupain ng Ehipto. ” 45 Tinawag ni Paraon ang pangalan ni Jose na "Zafenat-panea." Binigay niya si Asenat, ang anak na babae ni Potifera na pari ng On, para maging asawa. Ang kapangyarihan ni Jose ay nasa itaas ng buong Ehipto. 46 Si Jose ay tatlumpung taong gulang nang tumayo siya sa harap ni Paraon, hari ng Ehipto. Lumabas si Jose mula sa presensya ni Paraon at pumunta sa buong lupain ng Ehipto. 47 Sa pitong mabiyayang taon ang lupain ay nagbunga nang masagana. 48 Tinipon niya lahat ng pagkaing nasa lupain ng Ehipto ng pitong taon at inilagay ang pagkain sa mga siyudad. Inilagay niya sa bawat siyudad ang pagkain galing sa mga bukid na nakapaligid dito. 49 Inimbak ni Jose ang mga butil na parang buhangin ng dagat, na sa kalabisan ay tumigil na siya sa pagbilang dahil ito ay hindi mabilang. 50 May dalawang anak na lalaki si Jose bago dumating ang mga taon ng taggutom, na isinilang para sa kaniya ni Asenat, ang anak na babae ni Potifera na pari ng On. 51 Tinawag ni Jose ang pangalan ng kaniyang panganay na Manases, at sinabi niya, "Ginawa ng Diyos na makalimutan ko ang lahat ng aking mga bagabag at lahat ng sambahayan ng aking ama." 52 Tinawag niya ang pangalan ng kaniyang pangalawang anak na Efraim, dahil sinabi niya, "Ginawa akong mabunga ng Diyos sa lupain ng aking dalamhati." 53 Ang pitong saganang mga taon na nasa lupain ng Ehipto ay natapos na. 54 Ang pitong taon ng taggutom ay nagsimula, ayon sa nasabi ni Jose. Mayroong taggutom sa lahat ng mga lupain, pero sa lahat ng lupain ng Ehipto ay mayroong pagkain. 55 Nang ang buong lupain ng Ehipto ay gutom na gutom na, tumawag ng malakas ang mga tao kay Paraon para sa pagkain. Sinabi ni Paraon sa lahat ng mga taga Ehipto, "Pumunta kayo kay Jose at gawin ang anumang sabihin niya." 56 Ang taggutom ay nasa buong lupain. Binuksan ni Jose ang lahat ng mga kamalig at nagbenta sa mga taga-Ehipto. Ang taggutom ay napakatindi sa lupain ng Ehipto. 57 Ang buong mundo ay pumupunta sa Ehipto upang bumili ng butil kay Jose dahil ang taggutom ay matindi sa buong mundo.

Chapter 42

1 Ngayon, napagalaman ni Jacob na may butil sa Ehipto. Sinabi niya sa kanyang mga anak na lalaki, "Bakit kayo nakatingin sa isa't isa?" 2 Sinabi niya, "Tingnan niyo ito, narinig kong mayroong butil sa Ehipto. Bumaba kayo doon at bumili para sa atin mula doon para tayo ay mabuhay at hindi mamatay." 3 Ang sampung lalaking kapatid ni Jose ay bumaba para bumili ng butil mula sa Ehipto. 4 Ngunit si Benjamin, na kapatid ni Jose, ay hindi ipinasama ni Jacob sa kaniyang mga lalaking kapatid, dahil sinabi niya, "Baka may kapahamakang maaaring mangyari sa kanya." 5 Ang mga lalaking anak ni Israel ay dumating para bumili kasama ng mga dumating, dahil ang taggutom ay nasa lupain ng Canaan. 6 Ngayon si Jose ang gobernador sa buong lupain. Siya ang nagbebenta sa lahat ng tao sa lupain. Dumating ang mga lalaking kapatid ni Jose at nagpatirapa sila sa kanyang harapan. 7 Nakita ni Jose ang kanyang mga lalaking kapatid at nakilala niya ang mga ito, ngunit nagpanggap siya sa kanila at nagsalita ng marahas sa kanila. Sinabi niya sa kanila, "Saan kayo nanggaling?" Sinabi nila, "Mula po sa lupain ng Canaan para bumili ng pagkain." 8 Nakilala ni Jose ang kanyang mga lalaking kapatid ngunit siya ay hindi nila nakilala. 9 Naalala ni Jose ang mga naging panaginip niya patungkol sa kanila. Sinabi niya sa kanila, "Kayo ay mga ispiya. Dumayo kayo para tingnan ang mga bahagi ng lupain na hindi nababantayan." 10 Sinabi nila sa kanya, "Hindi po, aking panginoon. Ang inyong mga lingkod ay dumating para bumili ng pagkain. 11 Kaming lahat ay mga lalaking anak ng iisang tao. Kami ay tapat na mga lalaki. Ang mga lingkod po ninyo ay hindi mga ispiya." 12 Sinabi niya sa kanila, "Hindi, kayo ay dumating para tingnan ang mga hindi nababantayang mga bahagi ng lupain. 13 Sinabi nila, "Kami na iyong mga lingkod ay labindalawang magkakapatid na lalaki, mga anak ng isang tao sa lupain ng Canaan. Makikita ninyo, ang bunso ngayong araw ay kapiling ng aming ama, at isang kapatid na lalaki ay hindi na nabubuhay." 14 Sinabi ni Jose sa kanila. "Iyon na nga ang sinasabi ko sa inyo; kayo'y mga ispiya. 15 Sa pamamagitan nito kayo ay masusubok. Sa pamamagitan ng buhay ni Paraon, hindi kayo aalis dito, maliban na lang kung pupunta rito ang bunso ninyong kapatid na lalaki 16 Ipadala ninyo ang isa sa inyo at hayaan ninyong kunin niya ang inyong kapatid. Mananatili kayo sa kulungan, upang masubukan ang inyong mga salita, kung mayroon bang katotohanan sa inyo, o sa buhay ni Paraon tiyak na mga ispiya kayo." 17 Silang lahat ay isinailalim niya sa pagkakabilanggo sa loob ng tatlong araw. 18 Sinabi sa kanila ni Jose sa ikatlong araw. "Gawin ninyo ito at mabuhay, dahil takot ako sa Diyos. 19 Kung kayo ay mga lalaking tapat, hayaan ang isa sa inyong mga lalaking kapatid na makulong sa bilangguang ito, ngunit pumunta kayo, magdala kayo ng butil para sa taggutom ng inyong mga tahanan. 20 Dalhin ninyo ang inyong bunsong kapatid na lalaki sa akin para ang inyong salita ay mapatunayan at hindi kayo mamamatay." Kaya ginawa nga nila ito. 21 Sinabi nila sa isa't-isa, "Tayo ay tunay na nagkasala tungkol sa ating lalaking kapatid dahil nakita natin ang paghihinagpis ng kanyang kaluluwa nang siya ay magmakaawa sa atin at hindi tayo nakinig. Dahil doon ang kabalisahan ay dinaranas natin." 22 Sinagot sila ni Reuben, "Hindi ba sinabi ko sa inyo, 'Huwag magkasala laban sa bata,' ngunit hindi kayo nakinig? Tingnan ninyo ngayon, ang kanyang dugo ay hinihingi sa atin." 23 Hindi nila alam na naiintindihan sila ni Jose, dahil may isang tagapagsalin na namamagitan sa kanila. 24 Siya ay tumalikod sa kanila at nanangis. Bumalik siya at nagsalita sa kanila. Kinuha niya si Simeon mula sa piling nila at iginapos siya habang sila ay nakatingin. 25 Pagkatapos ay inutusan ni Jose ang kanyang mga lingkod na punuin ng butil ang mga bayong ng kaniyang mga kapatid, at ilagay ang pera ng bawat lalaki pabalik sa kanilang mga sako, at bigyan sila ng mga kakailanganin para sa paglalakbay. Ginawa ito para sa kanila. 26 Pinasanan ng mga magkakapatid ng butil ang kanilang mga asno at sila'y umalis na roon. 27 Habang ang isa sa kanila ay nagbubukas ng kanyang sako para ipakain sa kanyang asno sa isang lugar-panuluyan, nakita niya ang kanyang pera. At narito, nasa bukana ito ng kanyang sako. 28 Sinabi niya sa kanyang mga lalaking kapatid, "Ang aking salapi ay naibalik sa akin. Tingnan ninyo itong nasa aking sako." At ang kanilang mga puso ay nangabagabag at ang lahat ay nanginig. Sinabi nila, "Ano itong ginawa sa atin ng Diyos?" 29 Pumunta sila kay Jacob, na kanilang ama sa lupain ng Canaan at sinabi nila ang lahat ng nangyari sa kanila. Sinabi nila, 30 "Ang lalaking panginoon ng lupain ay marahas na nagsalita sa amin at inisip niyang kami ay mga tiktik sa lupain. 31 Sinabi namin sa kanya, 'Kami po ay mga lalaking tapat. Hindi po kami mga tikitk. 32 Kami po ay labindalawang magkakapatid, mga lalaking anak ng aming ama. Ang isa ay hindi na po nabubuhay, at ang bunso ay kapiling ng aming ama ngayong araw sa lupain ng Canaan.' 33 Sinabi sa amin ng lalaking panginoon ng lupain, 'Sa pamamagitan nito malalaman ko na kayo ay mga lalaking tapat. Iwan ninyo sa akin ang isa sa inyong kapatid na lalaki, kumuha kayo ng butil para sa tag-gutom sa inyong mga tahanan, at humayo na kayo sa inyong daan. 34 Dalhin ninyo ang inyong bunsong kapatid sa akin. Pagkatapos nito ay malalaman ko na hindi nga kayo mga tiktik, ngunit mga taong tapat. Pagkatapos ay papalayain ko ang inyong lalaking kapatid, at maaari na kayong mangalakal sa lupain." 35 Dumating ang panahon habang inaalis nila ang laman ng kanilang mga sako, at narito nga, ang mga lalagyan ng pilak ng bawat isa ay nasa kanilang sako. Nang makita nila at ng kanilang ama ang mga lalagyan ng pilak, sila ay natakot. 36 Sinabi sa kanila ni Jacob na kanilang ama sa, "Inialis ninyo sa akin ang aking mga anak. Hindi na nabubuhay si Jose, si Simeon ay wala na, at kukunin pa ninyo si Benjamin palayo. Lahat ng ito ay laban sa akin." 37 Si Reuben ay nagsalita sa kanyang ama, na nagsasabing. "Maaari mong patayin ang dalawa kong anak kung hindi ko maibalik sa iyo si Benjamin. Ilagay mo siya sa aking mga kamay, at muli ko siyang dadalhin sa iyo." 38 Sinabi ni Jacob, "Ang aking anak ay hindi pupunta pababa kasama ninyo. Dahil ang kanyang kapatid na lalaki ay patay na at siya na lamang ang mag-isang naiwan. Kapag may kapahamakang nangyari sa kanya sa daan kung saan kayo pupunta, tuluyan mo nang ibababa ang pagka-abo ng aking buhok kasama ng kalungkutan sa sheol."

Chapter 43

1 Matindi na ang taggutom sa lupain. 2 Dumating ang panahon nang maubos na nilang kainin ang butil na kinuha nila mula sa Ehipto, sinabi ng kanilang ama, "Humayo kayong muli at bumili ng pagkain natin. 3 Sinabi sa kanya ni Juda "Mahigpit kaming binalaan ng lalaki, 'Hindi ninyo makikita ang aking mukha maliban na lamang kung kasama ninyo ang iyong kapatid. 4 Kung hahayaan mong isama namin ang aming kapatid, bababa kami at bibili ng pagkain para sa iyo. 5 Ngunit kung hindi mo siya ipapasama, hindi kami bababa. Dahil sinabi ng lalaki sa amin, "Hindi ninyo makikita ang aking mukha maliban na lamang kung kasama ninyo ang inyong kapatid. 6 Sinabi ni Israel, "Bakit mo ako pinakikitunguhan ng masama sa pamamagitan ng pagsasabi sa taong iyon na meron pa kayong isang kapatid?" 7 Sinabi nila, "Nagtanong ang lalaki ng mga bagay tungkol sa amin at sa ating pamilya. Sinabi niya, 'Buhay pa ba ang iyong ama? Mayroon pa ba kayong ibang kapatid?' Sinagot namin siya ayon sa mga tanong na ito. Paano namin malalaman na sasabihin niyang, "Dalhin mo dito ang iyong kapatid?" 8 Sinabi ni Judah sa kanyang ama, "Ipadala mo ang batang lalaki sa amin. Tatayo kami at aalis upang mabuhay kami at hindi mamatay, kapwa kami, ikaw, at ang aming mga anak. 9 Ako ang mananagot sa kanya. Ako ang pananagutin mo. Kung hindi ko siya maibabalik sa iyo at maihaharap sa iyo hayaan mong ako ang masisi habang buhay. 10 Kung hindi kami maaantala, sigurado ngayon nakabalik na kami dito nang pangalawang beses". 11 Sinabi ng kanilang ama na si Israel, "Kung ganoon, gawin ninyo ito ngayon. Kumuha kayo ng mga pinaka magandang produkto sa ating lupain sa inyong mga sisidlan. Magdala kayo ng regalo sa taong iyon: tulad ng balsamo at pulot-pukyutan, pabango at mirra, pili at almendra. 12 Doblehin ninyo ang perang dala ninyo. Ang perang naisuli mula sa pagbukas ng inyong mga sako, dalhin ninyo ulit sa inyong mga kamay. Baka isa lang itong pagkakamali. 13 Dalhin rin ang inyong kapatid na lalaki. Tumayo at pumunta kayo ulit sa taong iyon. 14 Nawa'y kaawaan kayo ng Makapangyarihang Diyos sa harap ng taong iyon, upang palayain niya sa inyo ang iba niyong mga kapatid at si Benjamin. Kung ako'y nagdadalamhati sa aking mga anak, ako'y nagdadalamhati. 15 At dinala ng mga lalaki ang regalong iyon. Kumuha sila ng dobleng salapi sa kanilang mga kamay at si Benjamin. Tumayo sila, pumunta pababa sa Ehipto, at tumayo sa harapan ni Jose. 16 Nang makita ni Jose na kasama nila si Benjamin, sinabi niya sa katiwala ng kanyang bahay, "Dalhin mo ang mga lalaki sa bahay, kumatay kayo ng hayop at ihanda ito, dahil ang mga lalaki ay kakain kasama ko ngayong tanghalian. 17 Ginawa ng katiwala ang sinabi ni Jose. Dinala niya ang mga lalaki sa bahay ni Jose. 18 Natakot ang mga lalaki dahil sila ay dinala sa bahay ni Jose. Sinabi nila, "Ito ay dahil sa perang isinauli sa aming mga sako sa unang pagkakataon na pumunta kami dito, para makahanap siya ng pagkakataon laban sa amin. Maaari niya kaming hulihin at gawin lipin, at kunin ang aming mga asno. 19 Nilapitan nila ang katiwala ng bahay ni Jose, at siya ay kinausap nila sa may pintuan ng bahay, 20 sinabing, "Aking amo, noong unang pagkakataon na pumunta kami dito ay para bumili ng pagkain. 21 Nangyari na, nang makarating na kami sa lugar kung saan kami ay pansamantalang nakatira, na binuksan namin ang aming mga sako, at, tingnan, ang bawat pera ng tao ay nandoon sa bukasan ng kanilang sako, ang aming pera na sakto ang halaga. Ibinalik namin ito sa aming mga kamay. 22 Ang ibang pera ay dinala rin namin sa aming kamay para bumili ng pagkain. Hindi namin alam kung sino ang naglagay ng pera sa aming mga sako." 23 Sinabi ng katiwala, "Ang kapayapaan ay sumainyo, huwag kayong matakot. Ang inyong Diyos at ang Diyos ng inyong ama ang maaaring naglagay ng pera sa inyong mga sako. Natanggap ang iyong pera." Inilabas naman ng katiwala si Simeon sa kanila. 24 Dinala ng katiwala ang mga lalaki sa bahay ni Jose. Binigyan niya ito ng tubig, at hinugasan nila ang kanilang mga paa. Binigyan niya ng mga pagkain ang kanilang mga asno. 25 Inihanda nila ang mga regalo sa pagdating ni Jose sa tanghali, sapagkat narinig nila na sila ay kakain doon. 26 Nang dumating si Jose sa bahay, dinala nila ang mga regalo na nasa kamay nila doon sa bahay, at sila'y yumuko sa harapan niya sa sahig. 27 Tinanong niya sila tungkol sa kanilang kalagayan at nagsabing, "Mabuti ba ang kalagayan ng inyong ama, ang matanda na inyong binabanggit? Buhay pa ba siya?" 28 Sila ay nagsalita, "Ang iyong lingkod ang aming ama ay mabuti naman. Siya ay buhay pa." Sila ay dumapa at yumuko. 29 Itinuon niya ang kanyang mga mata pataas at nakita si Benjamin ang kanyang kapatid na lalaki, ang anak ng kanyang ina, na nagsasabing, "Ito ba ang sinasabi mong nakababatang kapatid mo na iyong binabanggit sa akin? Sinabi niya, "Ang Diyos ay maging maawain sa iyo, aking anak". 30 Nagmamadali si Jose na lumabas sa loob, dahil labis siyang naantig tungkol sa kanyang kapatid na lalaki. Naghanap siya ng lugar upang iyakan. Pumunta siya sa kanyang silid at doon umiyak. 31 Naghilamos siya at lumabas. Pinigilan niya ang kanyang sarili, na nagsasabing "Ihain na ang pagkain". 32 Pinagsilbihan ng mga lingkod si Jose na siya lang at ang kanyang mga kapatid na lalaki na sila lang. Ang mga taga-Ehipto ay kumain doon kasama niya ng sila-sila lang dahil ang taga-Ehipto ay hindi kumakain ng tinapay kasama ng mga Hebreo, dahil ito ay hindi katanggap-tanggap sa mga taga-Ehipto. 33 Ang mga kapatid niya ay umupo sa tapat niya, ang panganay ayon sa kanyang karapatan, at ang pinaka bata ayon sa kanyang pagkabata. Ang mga lalaki ay sama-samang namangha. 34 Nagpadala si Jose ng mga parte sa kanila mula sa pagkain na nasa harapan niya. Pero ang parte ng kay Benjamin ay limang beses ang dami kaysa sa kanyang mga kapatid. Sila'y nag inuman at nagpakasaya na kasama niya.

Chapter 44

1 Inatasan ni Jose ang katiwala ng kanyang bahay, sinabing, "Punuin mo ang sako ng mga lalaki ng pagkain, hangga't sa makakaya nilang buhatin, at ilagay ang bawat pera ng lalaki sa ibabaw ng kanyang sako. 2 Ilagay ang aking baso, ang pilak na baso, sa ibabaw ng sako ng bunso, at ganoon din ang kanyang pera para sa butil." Ginawa ng katiwala ang sinabi ni Jose. 3 Nang nagbubukang-liwayway na, at ang mga lalaki ay pinaalis na, sila at ang kanilang mga asno. 4 Nang sila ay nakalabas sa lungsod subalit hindi pa nakakalayo, sinabi ni Jose sa kanyang katiwala, "Tumayo ka, sundan mo ang mga lalaki, at kung maabutan mo sila, sabihin mo sa kanila, 'Bakit ninyo sinuklian ng kasamaan ang kabutihan? 5 Hindi ba ito ang baso mula sa iniinuman ng aking amo, at ang baso na ginagamit niya para sa kanyang panghuhula? Gumawa kayo ng masama, ang bagay na ito na inyong ginawa."' 6 Naabutan sila ng katiwala at sinabi ang mga salitang ito sa kanila. 7 Sinabi nila sa kanya, "Bakit po sinasabi ng aking amo ang ganitong mga salita? Malayong gawin ng inyong mga lingkod ang bagay na iyan. 8 Tingnan ninyo, ang pera na nakita sa aming mga sako, ay muli naming dinala sa inyo sa labas ng lupain ng Canaan. Paano naman namin nanakawin mula sa tahanan ng inyong amo ang pilak o ginto? 9 Kung sinuman sa inyong lingkod ang makitaan, hayaan mo siyang mamatay, at kami rin ay magiging mga alipin ng aming amo." 10 Sinabi ng katiwala, "Ngayon rin hayaang magkaganoon ayon sa iyong mga salita. Siya na mahanapan ng baso ay magiging alipin ko, at ang iyong mga kapatid ay mapapawalangsala." 11 At nagmamadali ang bawat lalaki at dinala ang kanilang sako pababa sa lupa, at binuksan ng bawat lalaki ang kanilang mga sako. 12 Naghanap ang katiwala. Nagsimula siya sa pinaka-panganay at natapos sa bunso, at nahanap ang baso sa sako ni Benjamin. 13 Pagkatapos pinunit nila ang kanilang mga damit. Nilagay ng bawat lalaki ang kanilang asno at bumalik sa lungsod. 14 Si Juda at ang kanyang mga kapatid ay pumunta sa tahanan ni Jose. Siya ay nanatili pa roon, at sila'y yumuko sa lupa sa harapan nito. 15 Sinabi ni Jose sa kanila, "Ano itong ginagawa ninyo? Hindi ba ninyo alam na ang lalaking tulad ko ay bihasa sa panghuhula?" 16 Sinabi ni Juda, "Ano ang maari naming sabihin sa inyo aming amo? O kaya, paano namin maipagtatanggol ang aming sarili? Nalaman ng Diyos ang kasalanan ng iyong mga lingkod. Tingnan ninyo, kami ay alipin na ng aming amo, kami at siyang nahanapan ng baso." 17 Sinabi ni Jose, "Malayong gawin ko iyan. Ang lalaking nahanapan ng baso sa kanyang kamay, ang lalaking iyon rin ang magiging alipin ko, subalit ang mga iba ay makakauwi na ng mapayapa sa inyong ama." 18 Pagkatapos lumapit si Juda sa kanya at sinabing, "Aking amo pakiusap, pahintulutan po ninyo akong makapagsalita sa pandinig ng aking amo, at huwag hayaang umapoy sa galit laban sa iyong alipin, sapagkat katulad ka ni Paraon. 19 Ang aking amo ay nagtanong sa kanyang mga lingkod, sinasabing, 'Mayroon pa ba kayong ama o kapatid? 20 At sinabi namin sa aming amo, 'Mayroon kaming matandang ama, at anak niya sa kanyang katandaan, isang bunso. At patay na ang kanyang kuya, at siya ay nag-iisa na lamang na naiwan mula sa kanyang ina, at mahal na mahal siya ng kanyang ama.' 21 At sinabi mo sa iyong mga lingkod, 'Dalhin ninyo siya rito sa akin para makita ko siya.' 22 At sinabi namin sa aming amo, 'Hindi kayang iwan ng bata ang kanyang ama. Sapagkat kung iiwan niya ang kaniyang ama ikamamatay ito ng kanyang ama.' 23 At sinabi mo sa iyong mga lingkod, 'Kung hindi ninyo kasama pababa ang bunso ninyong kapatid, hindi na ninyo muli makikita ang aking mukha.' 24 At nangyari nga nang kami ay nakabalik sa aking ama na iyong mga lingkod, isinalaysay namin sa kanya ang mga salita ng aming amo. 25 At sinabi ng aming ama, 'Umalis kayo muli, bumili kayo ng ilang makakain.' 26 At sinabi namin, 'Hindi na kami makabababa. Kung kasama namin ang aming nakababatang kapatid, kami ay makakaalis pababa, sapagkat hindi na kami hahayaan na makita pa muli ang mukha ng lalaki kung hindi namin kasama ang bunso naming kapatid.' 27 Sinabi ng aking ama na iyong lingkod, 'Alam ninyong dalawa lamang ang ipinanganak ng aking asawa. 28 At ang isa ay nawala mula sa akin at sinabi ko. "Talaga ngang siya ay nagkapira-piraso, at hindi ko na siya nakita mula noon." 29 At kung kukunin rin ninyo itong isa sa akin at muling mapahamak, dadalhin ninyo ako sa katandaan na puno ng dalamhati sa kamatayan.' 30 Kaya ngayon, kung pupunta ako sa aking ama na inyong alipin, at hindi ko kasama ang bata, sapagkat ang kanyang buhay ay karugtong na ng buhay ng batang lalaki, 31 kapag ito ay nangyari, na hindi niya makita na kasama namin ang bata siguradong ikamamatay niya ito. At ang iyong alipin ay magiging dahilan ng pagdurusa ng ama ng iyong alipin sa kamatayan. 32 Sapagkat ang iyong alipin ang katiyakan sa bata para sa aking ama at sinabi kong, 'Kung hindi ko madadala ang bata sa iyo, papasanin ko ang kasalanan magpakailanman sa aking ama. 33 Kaya ngayon, ako po ay nagmamakaawa hayaang manatili ang iyong lingkod sa halip na ang bata ang maging alipin ng aking amo, at hayaang makabalik ang bata kasama ng kanyang mga kapatid. 34 Sapagkat paano ako makakabalik sa aking ama kung hindi ko kasama ang bata? Natatakot akong makita ang masamang mangyayari sa aking ama."

Chapter 45

1 Pagkatapos hindi nakapagpigil si Jose sa kanyang sarili sa harapan ng lahat ng mga lingkod na nakatayo sa kanyang tabi. Sinabi niya ng malakas, "Iwanan ninyo akong lahat." Kaya walang lingkod na nakatayo sa tabi niya nang siya ay nagpakilala sa kanyang mga kapatid na lalaki. 2 Umiyak siya ng malakas, narinig ito ng mga taga-Ehipto at ang tahanan ng Paraon ay nakarinig ito. 3 Sinabi ni Jose sa kanyang mga kapatid na lalaki, "Ako si Jose. Buhay pa ba ang aking ama?" Ang kanyang mga kapatid na lalaki ay hindi makasagot sa kanya, sapagkat sila ay nabigla sa kanyang presensiya. 4 Pagkatapos sinabi ni Jose sa kanyang mga kapatid na lalaki, "Pakiusap, lumapit kayo sa akin." Lumapit sila. Sinabi niya, "Ako si Jose ang inyong kapatid na lalaki, na inyong ipinagbili sa Ehipto. 5 At ngayon huwag kayong magdalamhati o magalit sa inyong mga sarili na ipinagbili ninyo ako dito, sapagkat nauna na akong ipinadala ng Diyos sa inyo upang pangalagaan ang buhay ninyo. 6 Nasa tagtuyot ang lupain nitong mga dalawang taon at magkakaroon pa nang limang dagdag na mga taon na walang pag-aararo o walang ani. 7 Nauna na akong ipinadala ng Diyos sa inyo upang pangalagaan kayo bilang mga nalalabi dito sa mundo at nang mapanatili kayong buhay sa pamamagitan ng dakilang kaligtasan. 8 Kaya ngayon, hindi kayo ang nagpadala sa akin dito kung hindi ang Diyos, at ginawa niya akong ama ng Paraon, amo ng lahat ng kanyang tahanan, at pinuno ng lahat ng lupain sa Ehipto. 9 Magmadali kayo at umakyat patungo sa aking ama at sabihin sa kanya 'Ito ang sinabi ng inyong anak na si Jose, ginawa ako ng Diyos na amo ng buong Ehipto. Bumaba ka dito sa akin at huwag mag-atubili. 10 Maninirahan ka sa lupain ng Gosen at nang ikaw ay mapalapit sa akin, ikaw at ang iyong mga anak at ang mga anak ng iyong mga anak, at ang iyong mga hayop at ang iyong mga baka, at ang lahat ng nasa iyo. 11 Tutustusan kita doon sapagkat mayroon pang limang mga taon na tagtuyot upang hindi ka humantong sa kahirapan, ikaw, ang iyong tahanan, at ang lahat ng nasa iyo.' 12 Tingnan ninyo, nakikita ng inyong mga mata, at mga mata ng aking kapatid na lalaki na si Benjamin, na itong aking bibig ang nakikipag-usap sa inyo. 13 Sasabihin ninyo sa aking ama ang tungkol sa lahat ng aking kapangyarihan sa Ehipto, at ang lahat ng inyong mga nakita. Magmamadali kayo at dalhin ang aking ama dito." 14 Niyakap niya ang kanyang kapatid na si Benjamin sa leeg at umiyak, at si Benjamin ay umiyak sa kanyang leeg. 15 Hinagkan niya ang lahat ng kanyang mga lalaking kapatid at umiyak sa kanila. Pagkatapos noon nakipag-usap sa kanya ang kanyang mga kapatid na lalaki. 16 Ang balita tungkol dito ay sinabi sa bahay ng Paraon: "Dumating ang mga lalaking kapatid ni Jose." Ito ay labis na ikinalugod ng Paraon at ng kanyang mga lingkod. 17 Sinabi ng Paraon kay Jose, "Sabihin mo sa iyong mga lalaking kapatid, 'Gawin ito: lagyan ninyo ang inyong mga hayop at pumunta sa lupain ng Canaan. 18 Kunin ninyo ang inyong ama at ang inyong mga sambahayan at pumunta sa akin. Ibibigay ko sa inyo ang kasaganahan ng lupain ng Ehipto, at kakainin ninyo ang taba ng lupain.' 19 Kayo ngayon ay inuutusan ko kayo 'Gawin ninyo ito, kumuha kayo ng mga karitela mula sa lupain ng Ehipto para sa inyong mga anak at mga asawa. Kunin ninyo ang inyong ama at pumarito. 20 Huwag na kayong mag-alala tungkol sa inyong mga ari-arian, sapagkat sa inyo na ang kasaganahan ng lahat ng lupain sa Ehipto.'" 21 Ginawa ito ng mga anak ni Israel. Binigayan sila ni Jose ng mga karitela, ayon sa utos ng Paraon at binigyan sila ng mga panustos para sa paglalakbay. 22 Sa kanilang lahat nagbigay siya sa bawat tao ng mga pampalit na damit, ngunit kay Benjamin nagbigay siya ng tatlong daang mga piraso ng pilak at limang mga pampalit na damit. 23 Ito ang kanyang ipinadala para sa kanyang ama: Sampung mga asno na may kargang magandang mga kagamitan ng Ehipto, at sampung babaeng mga asno na may karga na mga butil, tinapay, at iba pang mga gamit para sa kanilang ama para sa paglalakbay. 24 Kaya pinadala niya ng papalayo ang kanyang mga lalaking kapatid at sila ay umalis. Sinabi niya sa kanila, "Tiyakin ninyo na huwag kayong mag-aaway sa paglalakbay". 25 Umalis sila mula sa Ehipto at dumating sa lupain ng Canaan, kay Jacob na kanilang ama. 26 Sinabi nila sa kaniya, "Buhay pa si Jose at siya ang namumuno sa buong lupain ng Ehipto". At ang kanyang puso ay namangha, sapagkat hindi niya sila pinaniniwalaan. 27 Sinabi nila sa kanya ang lahat ng mga salita ni Jose na kanyang sinabi sa kanila. Muling nabuhay ang espiritu ni Jacob na kanilang ama nang makita ni Jacob ang mga karitela na ipinadala ni Jose na magdadala sa kanya,. 28 Sinabi ni Israel, "Sapat na ito. Buhay pa ang aking anak na si Jose. Pupunta ako at makikipagkita sa kanya bago ako mamatay."

Chapter 46

1 Naglakbay si Israel dala lahat ng mayroon siya at nagtungo sa Beer-seba. Nag-alay siya roon ng mga handog sa Diyos ng kanyang amang si Isaac. 2 Nangusap ang Diyos kay Israel sa pamamagitan ng pangitain sa gabi, na sinasabing, "Jacob, Jacob." Sinabi niya, "Narito ako." 3 Sinabi niya, "Ako ang Diyos, ang Diyos ng iyong ama. Huwag kang matakot na bumaba patungong Ehipto, dahil doon kita gagawing isang dakilang bansa. 4 Bababa ako kasama mo sa Ehipto at tunay na ibabalik kitang muli. Isasara ni Jose ang iyong mga mata sa pamamagitan ng kanyang sariling kamay." 5 Bumangon si Jacob mula sa Beer-seba. Isinakay ng mga anak na lalaki ni Israel si Jacob na kanilang ama, ang kanilang mga anak, at ang kanilang mga asawa sa mga kariton na ipinadala ng Paraon para magdala sa kanya. 6 Dinala nila ang kanilang mga alagang hayop at mga ari-arian na naipon nila sa lupain ng Canaan. Pumunta si Jacob sa Ehipto at ang lahat ng kanyang mga kaapu-apuhan kasama niya. 7 Dinala niya kasama sa Ehipto ang kanyang mga anak na lalaki, at kanyang mga apong lalaki, kanyang mga anak na babae at kanyang mga apong babae, at lahat ng kanyang mga kaapu-apuhan. 8 Ito ang mga pangalan ng mga anak ni Israel na dumating sa Ehipto, si Jacob at ang kanyang mga anak na lalaki: si Ruben, panganay na anak ni Jacob; 9 mga anak na lalaki ni Ruben na sina Enoc, Fallu, Hezron at Carmi; 10 mga anak ni Simeon sina Jemuel, Jamin, Ohad, Jaquin, Zohar at Saul, na mga anak na lalaki ng babaeng taga-Canaan; 11 mga anak na lalaki ni Levi na sina Gershon, Coat at Merari; 12 mga anak na lalaki ni Juda: sina Er, Onan, Sela, Fares at Zara, (pero namatay si Er at Onan sa lupain ng Canaan. At ang mga anak na lalaki ni Fares, sina Hezron at Hamul); 13 Ang mga anak na lalaki ni Isacar: sina Tola, Pua, Job, at Simron; 14 Ang mga anak na lalaki ni Zabulun: sina Sered, Elon, at Jahleel 15 (ito ang mga anak na lalaki ni Lea na ipinanganak kay Jacob sa Paddan Aram, kabilang ang anak niyang babae na si Dina. Ang bilang ng lahat ng kanyang mga anak na lalaki at mga anak na babae ay tatlumpu't tatlo); 16 ang mga anak na lalaki ni Gad, sina Zifion, Hagui at Suni, Ezbon, Eri, Arodi, at Areli; 17 ang mga anak na lalaki ni Aser, sina Jimna at Isua, Isui at Beria, at si Sera na kanilang kapatid na babae; ang mga anak na lalaki ni Beria, sina Heber at Malquiel 18 (ito ang mga anak na lalaki ni Zilpa, na ibinigay ni Laban sa kanyang anak na babae na si Lea. Ito ang mga ipinanganak niya kay Jacob— labing-anim lahat); 19 ang mga anak na lalaki ni Jacob kay Raquel na kanyang asawa—sina Jose and Benjamin. 20 (sa Ehipto ipinanganak sina Manases at Efraim kay Jose at Asenath, anak na babae ni Potifera na pari ng On); 21 ang mga anak na lalaki ni Benjamin, sina Bela, Bequer, Ashbel, Gera, Naaman, Ehi, Ros, Mupim, Hupim, at Ard 22 (ito ang mga anak na lalaki ni Raquel na ipinanganak kay Jacob. Ang mga taong ito ay labing-apat lahat); 23 Ang anak na lalaki ni Dan, si Husim; 24 ang mga anak na lalaki ni Neftali, sina Jahzeel, Guni, Jeser, and Silem 25 (ito ang mga anak na lalaki ni Jacob kay Bilha na ibinigay ni Laban kay Raquel na kanyang anak na babae. Ang mga taong ito ay pito lahat. 26 Lahat ng mga taong dumating kasama ni Jacob sa Ehipto na kanyang mga kapu-apuhan, bukod sa kanyang mga manugang na babae ay animnapu't anim lahat. 27 Ang dalawang lalaking anak ni Jose na ipinanganak sa kanya sa Ehipto ay dalawa. Lahat ng tao sa bahay ni Jacob na pumunta sa Ehipto ay pitumpo lahat. 28 Naunang ipinadala ni Jacob si Juda papunta kay Jose upang ituro sa kanya ang daan patungong Gosen at sila ay pumunta sa lupain ng Gosen. 29 Inihanda ni Jose ang kanyang karwahe at umakyat para salubungin si Israel na kanyang ama sa Gosen. Siya ay nakita niya, niyapos ang kanyang leeg at humagulgol sa kanyang leeg ng matagal. 30 Sinabi ni Israel kay Jose, "Ngayon hayaan mo na akong mamatay, yamang nakita ko na ang iyong mukha, na ikaw ay buhay pa." 31 Sinabi ni Jose sa kanyang mga kapatid na lalaki at sa bahay ng kanyang ama, "Aakyat ako at sasabihin kay Paraon na, 'Ang aking mga lalaking kapatid at ang tahanan ng aking ama na nasa lupain ng Canaan ay pumunta sa akin. 32 Ang mga lalaki ay mga pastol dahil sila ay tagapag-alaga ng kanilang mga alagang hayop. Dinala nila ang kanilang mga kawan, mga baka at lahat ng mayroon sila.' 33 Darating ang oras, kapag tinawag at tinanong kayo ng Paraon, 'Ano ang inyong hanap-buhay?' 34 sabihin ninyo dapat na, 'Ang inyong mga lingkod ay tagapag-alaga ng mga hayop mula sa aming kabataan hanggang ngayon, kami at ang aming mga ninuno.' Gawin ninyo ito para kayo ay maaring manirahan sa lupain ng Gosen, dahil ang bawat pastol ay kasuklam-suklam sa mga taga-Ehipto."

Chapter 47

1 Pagkatapos pumasok si Jose at sinabi sa Paraon, "Ang aking ama at ang aking mga kapatid na lalaki, ang kanilang mga hayop, ang kanilang mga alagang kawan, at ang lahat ng kanilang pagmamay-ari, ay dumating na galing sa lupain ng Canaan. Tingnan mo, sila ay nasa lupain na ng Gosen. 2 Sinama niya ang lima sa kanyang mga kapatid na lalaki at ipinakilala sila sa Paraon. 3 Sinabi ng Paraon sa kanyang mga kapatid na lalaki, "Ano ang hanapbuhay ninyo?" Sinabi nila sa Paraon, "Ang iyong mga lingkod ay mga pastol, katulad ng aming mga ninuno. 4 Pagkatapos sinabi nila kay Paraon, "Pumunta kami bilang pansamantalang mamamayan sa lupain. Wala ng pastulan para sa mga hayop ng inyong mga lingkod, dahil malubha na ang taggutom sa lupain ng Canaan. Kaya ngayon, pakiusap hayaan niyo ang iyong mga lingkod na manirahan sa lupain ng Gosen." 5 Pagkatapos nagsalita ang Paraon kay Jose, at sinabing, "Ang iyong ama at ang iyong mga kapatid na lalaki ay pumunta sa iyo, 6 Ang lupain ng Ehipto ay nasa harapan mo. Patirahin mo ang iyong ama at ang iyong mga kapatid na lalaki sa pinakamainam na rehiyon, sa lupain ng Gosen. Kung may kakilala kang mga lalaki mula sa kanila na may kakayahan, ilagay mo sila bilang tagapamahala sa aking mga alagang hayop." 7 Pagkatapos dinala ni Jose ang kanyang ama na si Jacob at ipinakilala siya sa Paraon. Pinagpala ni Jacob si Paraon. 8 Sinabi ng Paraon kay Jacob, "Gaano ka na katagal nabubuhay?" 9 Sinabi ni Jacob kay Paraon, "Ang mga taon ng aking mga paglalakbay ay isandaan at tatlumpu. Ang mga taon ng aking buhay ay maikli at masakit. Hindi ito kasintagal ng aking mga ninuno." 10 Pagkatapos pinagpala ni Jacob ang Paraon at umalis mula sa kanyang harapan. 11 Pagkatapos pinatira ni Jose ang kanyang ama at ang kanyang mga kapatid na lalaki. Binigyan niya sila ng lupain sa Ehipto, ang pinakamainam na lupain, sa lupain ng Rameses, ayon sa utos ng Paraon. 12 Binigyan ni Jose ng pagkain ang kanyang ama, mga kapatid, at lahat ng sambahayan ng kanyang ama, ayon sa bilang ng kanilang kasama sa bahay. 13 Ngayon wala ng pagkain sa lahat ng lupain; dahil malubha na ang taggutom. Ang lupain ng Ehipto at ang lupain ng Canaan ay nakatiwangwang dahil sa taggutom. 14 Naipon ni Jose ang lahat ng salaping nasa lupain ng Ehipto at sa lupain ng Canaan, sa pamamagitan ng pagbebenta ng butil sa mga mamamayan. Pagkatapos dinala ni Jose ang salapi sa palasyo ng Paraon. 15 Nang naubos na ang lahat ng salapi sa mga lupain ng Ehipto at Canaan, lahat ng mga taga-Ehipto ay pumunta kay Jose at sinabing, "Bigyan mo kami ng pagkain! Bakit kami mamamatay sa iyong harapan dahil ubos na ang aming salapi? 16 Sinabi ni Jose, "Kung wala na kayong salapi, dalhin ninyo ang inyong mga hayop at bibigyan ko kayo ng pagkain bilang kapalit ng inyong mga alagang hayop." 17 Kaya dinala nila ang kanilang mga alagang hayop kay Jose. Binigyan sila ni Jose ng pagkain bilang kapalit ng kanilang mga kabayo, mga hayop, mga kawan, at mga asno. Pinakain niya sila ng tinapay kapalit ng kanilang mga hayop sa taon na iyon. 18 Nang natapos ang taong iyon, pumunta sila sa kanya nang sumunod na taon at sinabi sa kanya, "Hindi kami magtatago sa aming amo na ubos na ang lahat ng aming salapi, at ang mga baka pag-aari na ng aming amo. Wala ng natira pa sa paningin ng aming amo, maliban sa aming katawan at ang aming lupain. 19 Bakit kami mamamatay sa harap ng iyong mga mata, kami at ang aming lupain? Bilhin mo kami at ang aming lupain kapalit ng pagkain, at kami at ang aming lupain ay magiging mga lingkod ni Paraon. Bigyan mo kami ng binhi para mabuhay kami at hindi mamatay, at ang aming lupain ay hindi mapababayan. 20 Kaya nabili ni Jose ang buong lupain ng Ehipto para sa Paraon. Ibinenta ng bawat mamamayan ng Ehipto ang kanilang mga bukid, dahil napakalubha na ng taggutom. Sa paraang ito, ang lupain ay naging pag-aari na ng Paraon. 21 Tungkol naman sa mga tao, ginawa niya silang alipin mula sa dulong hangganan ng Ehipto hanggang sa kabilang dulo. 22 Ang lupain lamang ng mga pari ang hindi nabili ni Jose dahil ang mga pari ay binibigyan ng rasyon. Kumakain sila mula sa rasyon na ibinibigay ng Paraon sa kanila. Kaya hindi nila ipinagbili ang kanilang lupain. 23 Pagkatapos sinabi ni Jose sa mga tao, "Masdan ninyo, binili ko kayo at ang inyong lupain sa araw na ito para sa Paraon. Ngayon narito ang mga binhi para sa inyo, at tatamnan niyo ang lupain. 24 Sa anihan, magbigay kayo ng ikalimang bahagi sa Paraon, at ang apat na bahagi ay para sa inyong sarili, para sa binhi ng lupain at para pagkain ng inyong sambahayan at inyong mga anak." 25 Sinabi nila, "Iniligtas mo ang buhay namin. Sana ay maging kalugod-lugod kami sa iyong mga mata. Kami ay magiging mga alipin ng Paraon." 26 Kaya ginawa itong kautusan ni Jose na umiiral pa rin sa lupain ng Ehipto hanggang sa araw na ito, na ang ikalimang bahagi ay magiging pag-aari ng Paraon. Ang lupain lang ng mga pari ang hindi napunta sa Paraon. 27 Kaya si Israel ay nanirahan sa lupain ng Ehipto, sa lupain ng Goshen. Ang kanyang mga tao roon ay nakakuha ng mga ari-arian. Sila ay mabunga at dumami ng lubos. 28 Si Jacob ay tumira sa Ehipto ng labimpitong taon, kaya ang mga taon ng buhay ni Jacob ay isandaan at apatnapu't pitong taon. 29 Nang malapit na ang oras ng kamatayan ni Israel, tinawag niya ang kanyang anak na si Jose at sinabihan siyang, "Kung ngayon ako ay kalugod-lugod sa iyong paningin, ilagay mo ang iyong kamay sa ilalim ng aking hita, at pakitaan mo ako ng katapatan at pagiging mapagkakatiwalaan. Pakiusap huwag mo akong ilibing sa Ehipto." 30 Pagtulog ko kasama ng aking mga ama, ilabas mo ako sa Ehipto at ilibing sa libingan ng aking mga ninuno." Sinabi ni Jose, "Gagawin ko ang sinabi mo." 31 Sinabi ni Israel, "Mangako ka sa akin," at si Jose ay nangako sa kanya. Pagkatapos yumuko si Israel sa ulunan ng kanyang higaan.

Chapter 48

1 At nangyari na pagkatapos ng mga bagay na ito, may nagsabi kay Jose, "Tingnan mo, maysakit ang iyong ama." Kaya kinuha niya ang kanyang dalawang anak na lalaki, sina Manasses at Efraim. 2 Nang sinabihan si Jacob, "Tingnan mo, ang iyong anak na si Jose ay dumating para makita ka," Nag-ipon ng lakas si Israel at umupo sa kanyang higaan. 3 Sinabi ni Jacob kay Jose, "Nagpakita sa aking ang makapangyarihang Diyos sa Luz sa lupain ng Canaan. Binasbasan niya ako 4 at sinabi sa akin, 'Tingnan mo, palalaguin kita, at pararamihin kita. Gagawin kitang kapulungan sa mga bansa. Ibibigay ko ang lupaing ito sa iyong mga kaapu-apuhan bilang isang walang hanggang pag-aari.' 5 At ngayon ang dalawa mong anak na lalaki na ipinanganak sa iyo mula sa lupain ng Ehipto bago ako dumating dito, sila ay akin. Sina Efraim at Manasses ay magiging akin, tulad nina Ruben at Simeon na akin. 6 Ang susunod na mga anak mo pagkatapos nila ay magiging iyo; sila ay nakalista sa ilalim ng mga pangalan ng kanilang mga kapatid sa kanilang mana. 7 Pero para sa akin, nang dumating ako mula sa Paddan, sa aking kalungkutan namatay si Raquel sa lupain ng Canaan sa daan nang ako ay pabalik, habang may kaunting kalayuan pa papunta sa Efrata. Inilibing ko siya roon sa daanan patungo sa Efrata (ito ay Bethlehem)." 8 Nang nakita ni Israel ang mga anak na lalaki ni Jose, sinabi niya. "Kanino ang mga ito?" 9 Sinabi ni Jose sa kanyang ama, "Sila ang mga anak kong lalaki, na ibinigay sa akin ng Diyos dito." Sinabi ni Israel, "Dalhin mo sila sa akin para mabasbasan ko sila." 10 Ngayon ang mga mata ni Israel ay malabo na dahil sa kanyang katandaan, kaya hindi na siya nakakakita. Kaya dinala sila ni Jose malapit sa kanya, at hinagkan sila at niyakap. 11 Sinabi ni Israel kay Jose, "Hindi ko kailanman inasahang makikitang muli ang iyong mukha, pero ipinahintulot pa ng Diyos na makita ko ang iyong mga anak." 12 Kinuha sila ni Jose mula sa pagitan ng mga tuhod ni Jacob, at saka yumuko na nakasayad ang mukha sa lupa. 13 Kapwa sila kinuha ni Jose, si Efraim sa kanyang kanang kamay sa may bandang kaliwang kamay ni Israel, at si Manasses sa kanyang kaliwang kamay sa may bandang kanang kamay ni Israel, at dinala sila malapit sa kanya. 14 Inabot ni Israel ang kanyang kanang kamay at inilagay sa ulo ni Efraim, na siyang mas bata, at ang kanyang kaliwang kamay sa ulo ni Manasses. Pinagsalungat niya ang kanyang mga kamay, dahil si Manasses ang panganay. 15 Binasbasan ni Israel si Jose, na nagsasabing, "And Diyos na kasama ng aking amang si Abraham at si Isaac, ang Diyos na nag-alaga sa akin sa araw na ito, 16 ang anghel na nagbantay sa akin mula sa lahat ng kapahamakan, nawa ay pagpalain niya ang mga kabataang ito. Nawa ang pangalan ko ay ipangalan sa kanila, at ang pangalan ng aking amang sina Abraham at Isaac. Nawa lumago sila at maging napakarami sa mundo." 17 Nang nakita ni Jose ang kanyang ama na nilagay ang kanyang kanang kamay sa ulo ni Efraim, ikinasama niya ng loob ito. Kinuha niya ang kamay ng kanyang ama upang ilipat mula sa ulo ni Efraim sa ulo ni Manasses. 18 Sinabi ni Jose sa kanyang ama, "Hindi aking ama; ito po ang panganay. Ilagay mo ang iyong kanang kamay sa kanyang ulo." 19 Tumanggi ang kanyang ama at nagsabi, "Alam ko, anak, alam ko, siya ay magiging isang lahi, at siya rin ay magiging dakilang mga lahi. Pero ang kanyang nakababatang kapatid ay magiging mas dakila pa kaysa sa kanya, at ang kanyang mga kaapu-apuhan ay magiging maraming mga bansa." 20 Binasbasan sila ni Israel sa araw na iyon sa mga salitang ito, "Ang mga mamamayan sa Israel ay magpapahayag ng pagpapala sa pamamagitan ng inyong mga pangalan na nagsasabing, 'Nawa gawin ng Diyos na maging tulad ni Efraim at Manasses'." Sa ganitong paraan, inuna ni Israel si Efraim bago si Manasses. 21 Sinabi ni Israel kay Jose, "Tingnan mo, malapit na akong mamatay, pero kasama ninyo ang Diyos, at dadalhin kayo pabalik sa lupain ng inyong mga ama. 22 Sa iyo, bilang isang nakahihigit sa iyong mga kapatid, ibibigay ko ang bundok na libis na nakuha ko mula sa Amoreo sa pamamagitan ng aking tabak at aking pana."

Chapter 49

1 Pagkatapos tinawag ni Jacob ang kanyang mga anak na lalaki, at sinabi: "Magsama-sama kayo, para sabihin ko kung ano ang mangyayari sa inyo sa hinaharap. 2 Magpulong kayo at makinig, kayong mga anak na lalaki ni Jacob. Makinig kayo kay Israel, ang inyong ama. 3 Ruben, ikaw ang aking panganay, aking lakas, at ang simula ng aking kalakasan, katangi-tangi ang dangal at katangi-tangi ang kapangyarihan. 4 Katulad ng hindi mapipigilan na matuling agos ng tubig, hindi ka magkakaroon ng katanyagan, dahil sumampa ka sa kama ng iyong ama. Dinungisan mo ito; sumampa ka sa aking higaan. 5 Sina Simeon at Levi ay magkapatid. Mga armas na marahas ang kanilang mga tabak. 6 O aking kaluluwa, huwag kayong pumunta sa kanilang konseho, huwag kayong makiisa sa kanilang pagpupulong, dahil labis ang karangalan ng aking puso para dito. Papatay sila ng mga tao dahil sa kanilang galit. Pipilayan nila ang baka para sa kanilang kasiyahan. 7 Nawa sumpain ang kanilang galit, dahil ito ay mabagsik—at ang kanilang matinding galit, dahil ito ay malupit. Hahatiin ko sila kay Jacob at ikakalat ko sila sa Israel. 8 Juda, pupurihin ka ng iyong mga kapatid na lalaki. Ang iyong kamay ay nasa leeg ng iyong mga kaaway. Yuyuko sa iyo ang mga anak na lalaki ng iyong ama. 9 Si Juda ay isang batang leon. Anak ko, tapos ka na sa iyong mga biktima. Yumuko siya, yumukod siya katulad ng leon, katulad ng leona. Sino ang hahamon na gisingin siya? 10 Hindi mawawala ang setro sa Juda, kahit ang tungkod ng pinuno mula sa pagitan ng kanyang mga paa, hanggang dumating ang Silo. Susunod ang mga bansa sa kanya. 11 Pagkatali ng kanyang batang kabayo sa puno ng ubas at ng batang asno sa piling puno ng ubas, nilabhan niya ang kanyang mga kasuotan ng alak at ang kanyang balabal sa dugo ng mga ubas. 12 Ang mata niya ay magiging kasing itim ng alak, at ang kanyang ngipin ay kasing puti ng gatas. 13 Titira si Zebulon sa tabing-dagat. Magiging daungan siya ng mga barko at aabot ang kanyang hangganan sa Sidon. 14 Malakas na asno si Isacar na nakahiga sa gitna ng tupahan. 15 Nakakakita siya ng mabuting lugar na pagpahingahan at kaaya-ayang lupain. Iyuyukod niya ang kanyang balikat para pumasan at naging isang alipin para sa tungkulin. 16 Hahatulan ni Dan ang kanyang mga tao bilang isa sa mga lipi ng Israel. 17 Magiging tulad ng ahas si Dan sa gilid ng daan, isang nakalalasong ahas sa daan na nanunuklaw ng mga sakong ng kabayo, upang mahulog ng patalikod ang kanyang sakay. 18 Maghihintay ako sa iyong pagliligtas, Yahweh. 19 Si Gad—lulusubin siya ng mga mananalakay, pero sasalakay siya sa kanilang mga sakong. 20 Magiging masagana ang pagkain ni Aser, at magbibigay siya ng mga pagkain sa maharlika. 21 Si Nephtali ay isang malayang babaeng usa; magkakaroon siya ng magandang mumunting mga usa. 22 Si Jose ay magiging mabungang sanga, isang mabungang sanga malapit sa batis at aakyat sa pader ang mga sanga. 23 Lulusubin siya, papanain at guguluhin ng mga namamana. 24 Pero mananatili ang kanyang pana, at magiging dalubhasa ang kanilang mga kamay dahil sa mga kamay ng Makapangyarihan kay Jacob, dahil sa pangalan ng Pastol, at ang Bato ng Israel. 25 Dahil ang Diyos ng iyong ama, na siyang tutulong sa iyo, at dahil sa makapangyarihang Diyos na siyang magbabasbas sa iyo ng pagpapala sa kalangitan, mga pagpapala sa kailaliman na nasa ibaba, mga pagpapala sa mga dibdib at sinapupunan. 26 Mas malaki pa ang mga pagpapala ng iyong ama kaysa sa mga sinaunang bundok o kanais-nais na mga bagay ng walang hanggang mga burol. Sila ay nasa ulo ni Jose, pagpapala na kokorona sa ulo ng isang prinsipe na nakakataas sa kanyang mga kapatid. 27 Gutom na lobo si Benjamin. Lalamunin niya ang kanyang nahuli sa umaga, at hahatiin niya ang mga nakaw sa gabi." 28 Ito ang mga labindalawang lipi ng Israel. Ito ang sinabi ng kanilang ama nang sila ay pinagpala niya. Bawat isa ay pinagpala niya ng nararapat na pagpapala. 29 Tinuruan niya sila at sinabihang, "Ako nga ay pupunta na sa aking mga tao. Ilibing ninyo ako kasama ng aking mga ninuno sa kuweba na nasa bukid ni Efron ang Heteo, 30 sa kuweba na nasa bukid ng Macpela, na malapit sa Mamre sa lupain ng Canaan, ang bukid na binili ni Abraham kay sa Efron ang Heteo para maging libingan. 31 Doon inilibing si Abraham at Sara na kanyang asawa; inilibing nila roon si Isaac at Rebeca na kanyang asawa; at inilibing ko roon si Lea. 32 Binili ang bukid at ang kuweba rito mula sa mga Heth." 33 Nang matapos ni Jacob ang kanyang mga tagubilin sa kanyang mga anak na lalaki, iniunat niya ang kanyang mga paa sa kama at inihinga ang huling hininga, at pumunta sa kanyang mga tao.

Chapter 50

1 Pagkatapos niyakap ni Jose ang mukha ng kaniyang ama, nagdalamhati siya at hinalikan niya siya. 2 Inutusan ni Jose ang kanyang mga lingkod na manggagamot na embalsamuhin ang kanyang ama. Kaya inembalsamo ng mga manggagamot si Israel. 3 Ginawa nila ito ng apatnapung araw, dahil iyon ang ganap na panahon ng pag-eembalsamo. Umiyak ang mga taga-Ehipto ng pitumpung araw. 4 Nang matapos ang mga araw ng pag-iyak, nakipag-usap si Jose sa hukuman ng Paraon at sinabing, "Kung ngayon may nahanap akong pabor sa iyong mga mata, pakiusap, kausapin mo si Paraon, sabihing, 5 'Pinanumpa ako sa aking ama, sinabing, "Tingnan mo, malapit na akong mamatay, Ilibing mo ako sa aking libingan na hinukay ko doon sa lupain ng Canaan. Doon mo ako ilibing." Ngayon hayaan ninyo akong umakyat at ilibing ang aking ama, at pagkatapos ay babalik din ako." 6 Sumagot ang Paraon, "Lumakad ka at ilibing ang iyong ama, tulad ng ipinanumpa niya sa iyo." 7 Umakyat si Jose para ilibing ang kanyang ama. Kasama niyang umakyat ang lahat ng mga opisyal ng Paraon, ang mga tagapayo sa kanyang sambahayan, at ang lahat ng mga nakakatandang opisyal sa lupain ng Ehipto, 8 kasama lahat ng sambahayan ni Jose at kanyang mga kapatid, at sambahayan ng kanyang ama. Pero iniwan nila ang mga bata, kanilang mga kawan, at ang kanilang mga kalipunan, sa lupain ng Gosen. 9 Pumunta kasama niya ang mga karwahe at mga mangangabayo. Ito ay isang napakalaking pulutong ng tao. 10 Nang sila ay dumating sa giikan ni Atad na nasa kabilang dako ng Jordan, sila ay nagluksa ng napakatindi at napakalungkot na pagdadalamhati. Doon si Jose ay nagluksa ng pitong araw para sa kanyang ama. 11 Nang nakita ng mga nananahan sa lupaing yaon, ng mga Cananeo, ang pagluluksa sa giikan ni Atad, kanilang sinabi, "Ito ay isang napakalungkot na pagluluksa ng mga Ehipto." Kaya ang pangalang itinawag sa lugar na iyon ay Abel-Mizraim, na nasa kabilang dako ng Jordan. 12 Kaya ginawa ng kanyang mga anak kay Jacob ang ayon sa inihabilin niya sa kanila. 13 Dinala siya ng kanyang mga anak sa lupain ng Canaan at inilibing siya sa kuweba sa bukid ng Macpela, malapit sa Mamre. Binili ni Abraham ang kuweba na may bukid para maging lugar na paglilibingan. Binili niya ito kay Ephron na Hetheo. 14 Matapos niyang ilibing ang kanyang ama, bumalik si Jose patungong Ehipto, siya, kasama ang kanyang mga kapatid na lalaki, siya, at lahat ng sumama sa kaniya sa paglilibing sa kanyang ama. 15 Nang nakita ng mga kapatid na lalaki ni Jose na ang kanilang ama ay patay na, sinabi nila, "Paano kung si Jose ay may dinadala pang sama ng loob at nais niyang pagbayarin tayo ng buo para sa lahat ng kasamaan na ginawa natin sa kanya?" 16 Kaya nagpadala sila ng mensahe kay Jose, na nagsasabing, "Nagbigay ng mga tagubilin ang iyong ama bago siya mamatay, na nagsasabing. 17 'Ganito ang sabihin ninyo kay Jose, "Pakiusap patawarin mo ang kasalanan ng iyong mga kapatid at ang kamalian na kanilang nagawa nang pinagmalupitan ka nila." Ngayon pakiusap patawarin mo ang mga lingkod ng Diyos ng iyong ama. Si Jose ay umiyak nang dinala ang mensahe sa kanila. 18 Nagpunta rin ang kanyang mga kapatid na lalaki at nagpatirapa sa harap niya. Sinabi nila, "Tingnan mo, kami ay iyong mga lingkod." 19 Pero sinagot sila ni Jose, "Huwag kayong matakot. Nasa lugar ba ako ng Diyos? 20 At para sa inyo, ninais niyo na ipahamak ako, pero ninais ng Diyos ito para sa kabutihan, para pag-ingatan ang buhay ng maraming tao, gaya ng nakikita ninyo ngayon. 21 Kaya ngayon huwag kayong matakot. Paglalaanan ko kayo at ang inyong mga anak." Inaliw niya sila sa paraang ito at nakipag-usap ng may kagandahang-loob sa kanila. 22 Nanirahan si Jose sa Ehipto, kasama ng sambahayan ng kanyang ama. Nabuhay siya ng isandaan at sampung taon. 23 Nakita ni Jose ang mga anak ni Efraim hanggang sa ikatlong salinlahi. Nakita niya rin ang mga anak ni Makir na anak ni Manases. Sila ay "ipinanganak sa kanyang mga tuhod." 24 Sinabi ni Jose sa kanyang mga kapatid, "Malapit na akong mamatay; pero tiyak na pupuntahan kayo ng Diyos at pangungunahan kayo palabas ng lupaing ito papunta sa lupain na kanyang ipinangakong ibibigay kay Abraham, kay Isaac at kay Jacob." 25 Pagkatapos ipinasumpa ni Jose ang mga anak ni Israel. Sinabi niya, "Tiyak na pupuntahan kayo ng Diyos. Sa panahong iyon kailangan ninyong dalhin ang aking mga buto mula rito." 26 Kaya namatay si Jose sa gulang na isandaan at sampung taon. Pagkatapos siyang embalsamuhin, siya ay inilagay nila sa isang kabaong sa Ehipto.