Wikang Tagalog: OPEN BIBLE STORIES

Updated ? hours ago # views See on DCS

1. Ang Kwento Tungkol sa Paglikha

OBS Image

Ganito nagsimulang mangyari ang lahat ng bagay. Anim na araw nilikha ng Diyos ang kalawakan pati na rin ang lahat ng mga bagay. Nang nilikha ng Diyos ang mundo, madilim ito at wala pang laman, wala pang nabuo na kahit ano dito pero ang Espiritu ng Diyos ay nasa ibabaw ng katubigan.

OBS Image

Pagkatapos sinabi ng Diyos, “Magkaroon ng liwanag!” At nagkaroon nga ng liwanag. Nakita ng Diyos na maganda ang liwanag at tinawag niya itong “Araw.” Hiniwalay Niya ito sa dilim at tinawag niya itong “Gabi.” Ginawa ng Diyos ang liwanag sa unang araw ng paglikha.

OBS Image

Sa ikalawang araw, nagsalita ang Diyos at ginawa niya ang kalangitan sa ibabaw ng mundo. Ginawa ng Diyos ang langit sa pamamagitan ng paghihiwalay niya ng tubig sa itaas mula sa tubig sa ibaba.

OBS Image

Sa ikatlong araw, nagsalita ang Diyos at hiniwalay niya ang tubig sa lupa. “Lupa” ang tinawag Niya sa tuyong bahagi. Mga “Dagat” naman ang tinawag Niya sa katubigan. Nakita ng Diyos na maganda ang kanyang nilikha.

OBS Image

Pagkatapos sinabi ng Diyos, “Magkaroon sa lupa ng lahat ng uri ng puno at halaman.” At nangyari nga iyon. Nakita Niyang maganda lahat ng ginawa niya.

OBS Image

Sa ika-apat na araw, nagsalita ang Diyos at ginawa niya ang araw, buwan, at mga bituin. Ginawa niya ito para magbigay ng liwanag sa mundo at para maging palatandaan ng araw at gabi, panahon at mga taon. Nakita Niyang maganda lahat ng ginawa Niya.

OBS Image

Sa ikalimang araw, nagsalita ang Diyos at ginawa niya lahat ng lumalangoy sa tubig at lahat ng uri ng ibon. Nakita niyang maganda ang mga ginawa niya kaya pinagpala niya lahat ng mga ito.

OBS Image

Sa ika-anim na araw, nagsalita ang Diyos at sinabi, “Magkaroon ng lahat ng uri ng hayop sa lupa!” At ganon nga ang nangyari. May mga hayop na pangbukid, may mga hayop na gumagapang sa lupa, at may mga maiilap na hayop. Nakita niyang maganda ang mga ito.

OBS Image

Pagkatapos, sinabi ng Diyos, “Gawin natin ang tao na maging katulad natin. Sila ang mamamahala sa mundo at sa lahat ng mga hayop.”

OBS Image

Kaya kumuha ng alikabok ang Diyos, ginawa niya itong hugis tao, hiningahan niya ito para mabuhay. “Adam” ang pangalan niya. Gumawa ang Diyos ng halamanan para tirahan niya at pangalagaan.

OBS Image

Sa gitna ng halamanan nagtanim ang Diyos ng dalawang di-pangkaraniwang puno. Ang puno ng buhay at ang puno ng kaalaman ng mabuti’t masama. Sinabi ng Diyos kay Adam na pwede niyang kainin ang mga bunga ng puno sa halamanan maliban lang sa bunga ng puno na nagbibigay ng kaalaman ng mabuti at masama dahil ikamamatay niya kapag kinain niya ang bunga nito.

OBS Image

“Hindi maganda sa lalaki ang nag-iisa”, sabi ng Diyos. Pero wala naman sa mga hayop ang pwedeng makatuwang ni Adam.

OBS Image

Kaya pinatulog ng Diyos si Adam ng mahimbing. Kumuha ang Diyos ng isang tadyang mula kay Adam at ginawa niya itong babae, pagkatapos ay ipinakilala kay Adam.

OBS Image

Nang makita ni Adam ang babae sinabi niya, “Sa wakas! Ito na rin ang katulad ko.” “Babae” ang itatawag ko sa kanya dahil galing siya sa “lalaki”. Ito ang dahilan kaya iniiwan ng lalaki ang ama at ina niya para magsama sila ng asawa niya at maging isa.

OBS Image

Ginawa ng Diyos ang lalaki at babae na katulad niya. Pinagpala niya ang dalawa at sinabing, “Magkaanak kayo ng marami para dumami ang tao sa mundo.Tuwang-tuwa ang Diyos ng makita niyang maganda ang lahat ng mga ginawa niya. Nangyari ang lahat ng ito sa loob ng anim na araw.

OBS Image

Nang sumapit ang ikapitong araw, natapos na ng Diyos lahat ng ginawa niya kaya nagpahinga ang Diyos sa lahat ng ginawa Niya. Pinagpala niya ang ikapitong araw at ginawa niya itong natatangi dahil nagpahinga siya sa araw na ito. Ganito nilikha ng Diyos ang kalawakan at lahat ng mga bagay dito.

Kwento mula sa Genesis 1-2