4. Ang Kasunduan ng Diyos at ni Abraham
Lumipas ang maraming taon pagkatapos ng baha, dumami na ulit ang mga tao sa mundo at isang wika lamang ang gamit nila. Sa halip na magpakarami pa sila para mapuno ang mundo gaya ng iniutos ng Diyos, nagsama-sama sila para bumuo ng isang lungsod.
Naging mayabang sila at wala na silang pakialam sa mga sinasabi ng Diyos. Nagtayo pa sila ng mataas na tore para maabot ang langit. Nakita ng Diyos na kung palagi silang magsasama-sama para gumawa ng masama, mas marami pang masasamang bagay ang pwede nilang gawin.
Kaya pinalitan ng Diyos ang gamit nilang wika kaya naging marami at iba-iba ang mga wikang gamit nila at dahil dito naghiwa-hiwalay ang mga tao at kumalat sa iba’t ibang panig ng mundo. Tinawag na “Babel” ang lungsod na naumpisahan na nilang gawin. Ang ibig sabihin ng Babel ay “naguguluhan”.
Daan-daang taon ang lumipas at kinausap ng Diyos ang isang lalaking nagngangalang Abram. Sinabi ng Diyos sa kanya, “Iwanan mo ang bansa mo at pamilya mo at pumunta ka sa lupaing ituturo ko sayo. Pagpapalain kita at dadami ang anak mo at magiging isang malaking bansa. Gagawin kong dakila ang pangalan mo. Pagpapalain ko lahat ng magpapala sa iyo at susumpain ko lahat ng susumpa sa iyo. Dahil sa iyo pagpapalain ko lahat ng pamilya sa mundo.
Kaya sinunod ni Abram ang Diyos. Isinama niya ang asawa niyang si Sarai pati ang mga tagapaglingkod niya. Kinuha niya rin lahat ng mga pag-aari niya at pumunta sila sa lupain na sinabi ng Diyos na puntahan niya, ang Canaan.
Pagdating ni Abram sa Canaan sinabi sa kanya ng Diyos, “Tumingin ka sa paligid mo, ipapamana ko sa iyo at sa mga magiging apo mo ang lahat ng lupain na naaabot ng paningin mo.” Pagkatapos doon na tumira si Abram.
Isang araw nakilala ni Abram ang pari na lingkod ng dakilang Diyos. Melchizedek ang pangalan niya at pinagpala niya si Abram at sinabing, “Pagpalain ka nawa ng Diyos na may ari ng langit at lupa.” Pagkatapos binigyan siya ni Abram ng ikapu ng lahat ng mayroon siya.
Maraming taon na ang lumipas pero hindi pa rin nagkakaroon ng anak na lalaki si Abram at Sarai. Nangusap ulit ang Diyos sa kanya at ipinangako niyang muli na magkakaroon siya ng anak na lalaki at magiging marami ang mga kaapu-apuhan niya gaya ng mga bituin sa langit. Naniwala si Abram sa pangako ng Diyos. Dahil doon sinabi ng Diyos na matuwid siyang tao dahil naniniwala siya sa pangako niya.
Pagkatapos gumawa ang Diyos ng kasunduan niya kay Abram. Ang kasunduan ay pagpayag ng dalawang panig. Sinabi ng Diyos, “Bibigyan kita ng anak na lalaki na galing mismo sa iyo. Ibibigay ko sa iyo at sa mga kaapu-apuhan mo ang lupain ng Canaan.” Pero hindi pa rin nagkaroon ng anak na lalaki si Abram.
Kwento mula sa Genesis 11-15