6. Pinagkalooban ng Diyos si Isaac
Nang matandang-matanda na si Abraham at nasa tamang edad na si Isaac para mag-asawa, nagpadala si Abraham ng lingkod niya sa lugar kung saan tumira ang mga kamag-anak niya para makahanap sila ng mapapangasawa ni Isaac.
Matapos ang mahabang paglalakbay papunta sa mga kamag-anak ni Abraham, ginabayan ng Diyos ang lingkod para makita niya si Rebekah. Si Rebekah ay apo ng kapatid na lalaki ni Abraham.
Pumayag si Rebekah na iwan ang pamilya niya at sumama sa lingkod pabalik kina Isaac. Pagkarating nila Rebekah doon, pinakasalan siya agad ni Isaac.
Matapos ang mahabang panahon, namatay si Abraham at lahat ng ipinangako ng Diyos sa naging kasunduan nila ni Abraham ay naipasa kay Isaac. Ipinangako ng Diyos na magkakaroon ng maraming apo si Abraham pero hindi magka-anak ang asawa ni Isaac na si Rebekah.
Ipinagdasal ni Isaac si Rebekah at biniyayaan sila ng Diyos ng anak. Nagbuntis si Rebekah ng kambal. Habang nasa sinapupunan pa lang ay naglalaban na ang dalawang sanggol kaya nagdasal si Rebekah sa Diyos at tinanong niya kung ano ang nangyayari.
Sinabi ng Diyos kay Rebekah, “Dalawang bansa ang mabubuo mula sa mga anak mong kambal na lalaki. Lalabanan nila ang isa’t-isa at pagsisilbihan ng panganay ang mas nakababata.”
Nang maipanganak ang kambal ni Rebekah, lumabas na mamula-mula at mabalahibo ang nakatatanda kaya tinawag nila siyang Esau. Lumabas ang nakababata niyang anak na nakahawak sa sakong ni Esau, pinangalanan nila siyang Jacob.
Kwento mula sa Genesis 24: 1-25:26