27. Ang Kwento tungkol sa Mabuting Samaritano
Isang araw, may lumapit kay Jesus na dalubhasa sa batas ng mga Hudyo. Gusto niyang subukin si Jesus kaya nagtanong siya, “Guro, ano po ba ang dapat kong gawin para magkaroon ng buhay na walang hanggan?” Sumagot si Jesus, “Ano ba ang nakasulat sa batas ng Diyos?”
Sinabi ng dalubhasa na ito ang mga nakasulat sa batas ng Diyos, “Mahalin mo ang Panginoon mong Diyos ng buong puso, kaluluwa, lakas at pag-iisip at mahalin mo ang kapwa mo tulad ng pagmamahal mo sa sarili mo.” Sinabi ni Jesus sa kanya, “Tama ka! Gawin mo iyan para mabuhay ka.”
Pero gusto ng dalubhasa na patunayan na siya ay matuwid, kaya tinanong niya si Jesus, “Sino ang tinutukoy mong kapwa ko?”
Sinagot ni Jesus ang dalubhasa sa pamamagitan ng isang kuwento. “May isang Hudyo na naglalakbay mula Jerusalem papuntang Jericho.”
“Habang naglalakbay ang lalaki, sinalakay siya ng mga magnanakaw. Ninakaw lahat ng mga gamit niya at pinagbubugbog siya hanggang halos patay na nung iwan nila.”
“Hindi nagtagal, isang Paring Hudyo ang napadaan din doon. Nang makita ng Pari ang lalaking binugbog at pinagnakawan, lumihis siya ng daan, hindi niya pinansin ang lalaking nangangailangan ng tulong, at nagpatuloy sa pag-alis.”
“Maya-maya pa, isang Levita ang napadaan din doon. (Ang Levita ay isang tribo ng mga Hudyo na tumutulong sa mga Pari sa templo). Lumihis din ang Levita ng daan at hindi niya din pinansin ang taong pinagnakawan at binugbog.”
“Ang sumunod naman na dumating sa lugar ay isang Samaritano (ang Samaritano ay mga anak ng mga Hudyong nakipag-asawa sa mga dayuhan. Magkagalit ang Hudyo at Samaritano). Ngunit nang makita niya ang Hudyo, nakaramdam siya ng habag at binendahan niya ang mga sugat nito.”
“Isinakay ng Samaritano ang Hudyo sa kanyang asno (donkey) at dinala niya ito sa isang matutuluyan at doon niya inalagaan”
“Kinabukasan dahil kailangan ng umalis at magpatuloy ulit sa paglalakbay ang Samaritano, Binigyan niya ng pera ang katiwala ng bahay panuluyan at nakiusap, ‘Alagaan mo ang taong ito at kung mag aabono ka babayaran kita pagbalik ko.”’
Tinanong ni Jesus ang dalubhasa, “Sino sa palagay mo sa tatlong taong napadaan ang naging kapwa sa taong binugbog at pinagnakawan?” sumagot ang dalubhasa, “Ang taong nagpakita ng habag sa taong binugbog at pinagnakawan” Sinabi ni Jesus, “Humayo ka at ganoon din ang dapat mong gawin.”
Kwento mula sa Luke 10:25-37