49. Ang Bagong Kasunduan
Isang anghel ang nagsabi sa isang dalaga na nagngangalang Mary na ipanganganak niya ang batang tatawaging Anak ng Diyos. Nagbuntis nga si Mary kahit dalaga pa siya dahil sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu. Nagkaanak siya ng batang lalaki at pinangalanan niyang Jesus. Ibig sabihin, si Jesus ay parehong tao at Diyos.
Gumawa si Jesus ng maraming himala na nagpapatunay na siya ay Diyos. Lumakad siya sa ibabaw ng tubig, nagpatigil ng mga bagyo, nagpagaling ng maraming may sakit, nagpalayas ng mga demonyo, bumuhay ng patay, at ginawa niyang sapat ang limang pirasong tinapay at dalawang pirasong isda para mapakain ang 5,000 na katao.
Isa ring magaling na guro si Jesus, makapangyarihan ang salita niya dahil siya ang Anak ng Diyos. Tinuro niya na dapat mong mahalin ang ibang tao gaya ng pagmamahal mo sa sarili mo.
Itinuro din niya na dapat mong mahalin ang Diyos ng higit pa sa anumang bagay at higit pa sa kayamanan mo.
Sinabi ni Jesus na ang kaharian ng Diyos ay mas mahalaga pa sa kahit anong bagay dito sa mundo. Ang pinakamahalagang bagay para sa isang tao ay ang mapabilang sa kaharian ng Diyos. Para makapasok sa kaharian ng Diyos, kailangan mo munang maligtas mula sa mga kasalanan mo.
Si Jesus ay nagturo sa ibang mga tao at tinanggap nila siya at naligtas habang iba naman ay maaaring hindi. Sinabi ni Jesus na ang ibang mga tao ay tulad ng matabang lupa. Tinanggap nila ang mabuting balita ni Jesus at naligtas sila. Ang iba naman ay tulad ng matigas na lupa sa daanan, kung saan hindi makapag-ugat ang salita ng Diyos at hindi makapamunga. Iyon ay mga taong ayaw tanggapin ang mensahe tungkol kay Jesus at hindi sila makakapasok sa kaharian niya.
Itinuro ni Jesus na mahal na mahal ng Diyos ang mga makasalanan. Gusto niya silang patawarin at maging kabilang sa kanyang mga anak.
Sinabi din ni Jesus sa atin na ayaw ng Diyos ang kasalanan. Nang magkasala si Adam at Eve pati mga kaapu-apuhan nila ay nadamay. Dahil dito ang bawat tao sa mundo ay nagkakasala at nahihiwalay sa Diyos kaya naging kaaway silang lahat ng Diyos.
Pero mahal na mahal ng Diyos ang lahat ng tao sa mundo kaya ibinigay niya ang nag-iisang Anak niya para ang sinumang maniwala kay Jesus ay hindi maparusahan sa mga kasalanan niya kundi mabubuhay kasama ng Diyos magpakailanman.
Dahil sa mga kasalanan mo karapat-dapat kang mamatay. Dapat lang na magalit ang Diyos sa’yo pero ibinuhos niya ang galit niya kay Jesus sa halip na sa’yo, tinanggap ni Jesus ang kaparusahan mo nang mamatay siya sa krus.
Hindi nagkasala si Jesus pero pinili niyang maparusahan at mamatay bilang natatanging sakripisyo para alisin ang mga kasalanan mo pati ang mga kasalanan ng lahat ng tao dito sa mundo. Dahil isinakripisyo ni Jesus ang sarili niya, patatawarin ng Diyos kahit anong kasalanan kahit sukdulan ng sama ng mga kasalanang ito.
Hindi ka maililigtas ng mga mabubuti mong gawa. Wala kang magagawa para magkaroon ng kaugnayan sa Diyos. Si Jesus lamang ang makapag-aalis ng mga kasalanan mo. Dapat kang maniwala na si Jesus ang Anak ng Diyos. Sa halip na ikaw ang dapat na mamatay, siya ang namatay sa krus para sa iyo ngunit binuhay siyang muli ng Diyos.
Ililigtas ng Diyos ang lahat ng maniniwala at tatanggap kay Jesus bilang Panginoon pero hindi niya ililigtas ang hindi maniniwala sa kanya. Hindi mahalaga kung mayaman ka o mahirap, lalaki o babae, bata o matanda, o kahit saan ka nakatira. Mahal ka ng Diyos at gusto niyang maniwala ka kay Jesus para maging kabilang ka sa mga anak niya.
Inaanyayahan ka ni Jesus na maniwala sa kanya at mabawtismuhan. Naniniwala ka ba na si Jesus ang tagapagligtas, ang nag-iisang Anak ng Diyos? Naniniwala ka ba na ikaw ay makasalanan at dapat kang parusahan ng Diyos? Naniniwala ka ba na namatay si Jesus sa krus para alisin ang mga kasalanan mo.
Kung naniniwala ka kay Jesus at sa ginawa niya para sa’yo, isa ka ng kristiyano! Iniligtas ka na ng Diyos mula sa kaharian ng kadiliman ni Satan at dinala ka na niya sa kaharian niya ng liwanag. Inalis na ng Diyos ang dati mong makasalanang paraan ng pamumuhay at binigyan ka ng bagong matuwid na daan ng pamumuhay.
Kung ikaw ay kristiyano pinatawad na ng Diyos ang mga kasalanan mo dahil sa ginawa ni Jesus. Sa halip na kaaway, malapit na kaibigan na ang turing sa’yo ngayon ng Diyos.
Kung kaibigan ka na ng Diyos at alagad ng Panginoong si Jesus, gugustuhin mo ng sundin ang mga itinuturo niya sa’yo. Kahit kristiyano ka na matutukso ka pa ring magkasala pero tapat ang Diyos kaya sinabi niya na kung ihahayag mo ang mga kasalanan mo sa kanya, patatawarin ka niya. Bibigyan ka niya ng lakas para labanan ang mga kasalanan.
Sinabi sa atin ng Diyos na magdasal tayo, mag-aral ng salita niya, sambahin siya kasama ng mga ibang kristiyano at ibahagi sa iba ang mga ginawa niya para sa’yo. Lahat ng mga bagay na ito ay makatutulong para mas mapalalim ang kaugnayan mo sa kanya.
Kwento mula sa Romans 3:21-26, 5:1-11; John 3:16; Mark 16:16; Colossians 1:13-14; 2 Thessalonians 5:17-21; 1 John 1:5-10