Tagalog: Tagalog Unlocked Literal Bible

Updated ? hours ago # views See on DCS Draft Material

Mga Bilang

Chapter 1

1 Nagsalita si Yahweh kay Moises sa tolda ng pagpupulong sa ilang ng Sinai. Nangyari ito sa unang araw ng ikalawang buwan sa loob ng ikalawang taon matapos na makalabas ang mga tao ng Israel mula sa lupain ng Ehipto. Sinabi ni Yahweh, 2 "Magsagawa ka ng isang pagbibilang sa lahat ng kalalakihan ng Israel sa bawat angkan, sa mga pamilya ng kanilang mga ama. Bilangin mo sila ayon sa kanilang mga pangalan. Bilangin mo ang bawat lalaki, ang bawat lalaking 3 dalawampung taong gulang pataas. Bilangin mo ang lahat ng maaaring makipaglaban bilang mga kawal para sa Israel. Dapat ninyong itala ni Aaron ang bilang ng mga kalalakihan sa kanilang armadong mga grupo. 4 Ang isang lalaki mula sa bawat tribu, ang isang ulo ng angkan ay dapat maglingkod sa iyo bilang pinuno ng tribu. Dapat pangunahan ng bawat pinuno ang mga kalalakihang makikipaglaban para sa kaniyang tribu. 5 Ito ang mga pangalan ng mga pinunong dapat makipaglaban na kasama mo: Mula sa tribu ni Ruben, si Elizur na anak na lalaki ni Sedeur; 6 sa tribu ni Simeon, si Selumiel na anak na lalaki ni Zurisaddai; 7 mula sa tribu ni Juda, si Naason na anak na lalaki ni Aminadab; 8 mula sa tribu ni Isacar, si Natanael na anak na lalaki ni Zuar; 9 mula sa tribu ni Zebulon, si Eliab na anak na lalaki ni Helon; 10 mula sa tribu ni Efraim na anak na lalaki ni Jose ay si Elisama na anak na lalaki ni Ammiud; mula sa tribu ni Manases, si Gamaliel na anak na lalaki ni Pedasur; 11 mula sa tribu ni Benjamin na anak na lalaki ni Jose ay si Abidan na anak na lalaki ni Gideon; 12 mula sa tribu ni Dan, si Ahiezer na anak na lalaki ni Ammisaddai; 13 mula sa tribu ni Aser, si Pagiel na anak na lalaki ni Okran; 14 mula sa tribu ni Gad, si Eliasaf na anak na lalaki ni Deuel; 15 at mula sa tribu ni Neftali, si Ahira na anak na lalaki ni Enan. 16 Ito ang mga lalaking pinili mula sa mga tao. Pinangunahan nila ang mga tribu ng kanilang mga ninuno. Sila ang mga pinuno ng mga angkan sa Israel. 17 Ang mga lalaking ito ay kinuha nina Moises at Aaron, na kanilang naitala sa pamamagitan ng pangalan, 18 at sa tabi ng mga lalaking ito, tinipon nila ang lahat ng mga kalalakihan ng Israel sa unang araw ng ikalawang buwan. At bawat lalaking dalawampung taong gulang pataas ay kinilala ang kaniyang kanunu-nunuan. Dapat niyang pangalanan ang mga angkan at ang mga pamilyang nagmula sa kaniyang mga ninuno. 19 Pagkatapos, itinala ni Moises ang kanilang mga bilang sa ilang ng Sinai, gaya ng inuutos ni Yahweh na kaniyang gawin. 20 Mula sa mga kaapu-apuhan ni Ruben, panganay na anak ni Israel, binilang nila ang lahat ng mga pangalan ng lalaking dalawampung taong gulang pataas na kayang pumunta sa digmaan, mula sa mga talaan ng mga angkan ng kanilang ninuno at mga pamilya. 21 46, 500 na kalalakihan ang nabilang nila mula sa tribu ni Ruben. 22 Mula sa mga kaapu-apuhan ni Simeon ay binilang nila ang lahat ng pangalan ng bawat lalaking dalawampung taong gulang pataas na kayang pumunta sa digmaan, mula sa mga talaan ng mga angkan ng kanilang ninuno at mga pamilya. 23 59, 300 na kalalakihan ang nabilang nila mula sa tribu ni Simeon. 24 Mula sa mga kaapu-apuhan ni Gad ay binilang nila ang lahat ng mga pangalan ng bawat lalaking dalawampung taong gulang pataas na kayang pumunta sa digmaan, mula sa mga talaan ng mga angkan ng kanilang ninuno at mga pamilya. 25 45, 650 na kalalakihan ang nabilang nila mula sa tribu ni Gad. 26 Mula sa mga kaapu-apuhan ni Juda ay binilang nila ang lahat ng mga pangalan ng bawat lalaking dalawampung taong gulang pataas na kayang pumunta sa digmaan, mula sa mga talaan ng mga angkan ng kanilang ninuno at mga pamilya. 27 74, 600 na kalalakihan ang nabilang nila mula sa tribu ni Juda. 28 Mula sa mga kaapu-apuhan ni Isacar ay binilang nila ang lahat ng mga pangalan ng bawat lalaking dalawampung taong gulang pataas na kayang pumunta sa digmaan, mula sa mga talaan ng mga angkan ng kanilang ninuno at mga pamilya. 29 54, 400 na kalalakihan ang nabilang nila mula sa tribu ni Isacar. 30 Mula sa mga kaapu-apuhan ni Zebulon ay binilang nila ang lahat ng mga pangalan ng bawat lalaking dalawampung taong gulang pataas na kayang pumunta sa digmaan, mula sa mga talaan ng mga angkan ng kanilang ninuno at mga pamilya. 31 57, 400 na kalalakihan ang nabilang nila mula sa tribu ni Zebulon. 32 Mula sa mga kaapu-apuhan ni Efraim na anak na lalaki Jose ay binilang nila ang lahat ng mga pangalan ng bawat lalaking dalawampung taong gulang pataas na kayang pumunta sa digmaan, mula sa mga talaan ng mga angkan ng kanilang ninuno at mga pamilya. 33 40, 500 na kalalakihan ang nabilang nila mula sa tribu ni Efraim. 34 Mula sa mga kaapu-apuhan ni Manases ay binilang nila ang lahat ng mga pangalan ng bawat lalaking dalawampung taong gulang pataas na kayang pumunta sa digmaan, mula sa mga talaan ng mga angkan ng kanilang ninuno at mga pamilya. 35 32, 200 na kalalakihan ang nabilang nila mula sa tribu ni Manases. 36 Mula sa mga kaapu-apuhan ni Benjamin ay binilang nila ang lahat ng mga pangalan ng bawat lalaking dalawampung taong gulang pataas na kayang pumunta sa digmaan, mula sa mga talaan ng mga angkan ng kanilang ninuno at mga pamilya. 37 35, 400 na kalalakihan ang nabilang nila mula sa tribu ni Benjamin. 38 Mula sa mga kaapu-apuhan ni Dan ay binilang nila ang lahat ng mga pangalan ng bawat lalaking dalawampung taong gulang pataas na kayang pumunta sa digmaan, mula sa mga talaan ng mga angkan ng kanilang ninuno at mga pamilya. 39 62, 700 ang nabilang nila mula sa tribu ni Dan. 40 Mula sa mga kaapu-apuhan ni Aser ay binilang nila ang lahat ng mga pangalan ng bawat lalaking dalawampung taong gulang pataas na kayang pumunta sa digmaan, mula sa mga talaan ng mga angkan ng kanilang ninuno at mga pamilya. 41 , 500 na kalalakihan ang nabilang nila mula sa tribu ni Aser. 42 Mula sa mga kaapu-apuhan ni Neftali ay binilang nila ang lahat ng mga pangalan ng bawat lalaking dalawampung taong gulang pataas na kayang pumunta sa digmaan, mula sa mga talaan ng mga angkan ng kanilang ninuno at mga pamilya. 43 53, 400 ang nabilang nila mula sa tribu ni Neftali. 44 Binilang nina Moises at Aaron ang lahat ng mga lalaking ito, kasama ang labindalawang kalalakihang namumuno sa labindalawang tribu ng Israel. 45 Kaya lahat ng kalalakihan sa Israel mula sa dalawampung taong gulang pataas, lahat nang maaaring makipaglaban sa digmaan ay binilang nila sa bawat kanilang mga pamilya. 46 603, 550 na kalalakihan ang nabilang nila. 47 Ngunit hindi na nila binilang ang mga kalalakihang nagmula kay Levi, 48 dahil sinabi ni Yahweh kay Moises, 49 "Hindi mo dapat bilangin ang tribu ni Levi o isama sila sa kabuuang bilang ng mga tao sa Israel. 50 Sa halip, italaga mo ang mga Levita na ingatan ang tabernakulo ng toldang tipanan, at ingatan ang buong kagamitan sa loob ng tabernakulo at sa lahat ng kagamitang naroon. Dapat buhatin ng mga Levita ang tabernakulo at dapat nilang dalhin ang mga kagamitan sa nito. Dapat nilang ingatan ang tabernakulo at itayo ang kanilang kampo sa paligid nito. 51 Kapag ang tabernakulo ay ililipat na sa ibang lugar, dapat itong ibaba ng mga Levita. Kapag ang tabernakulo ay itatayo, dapat itong itayo ng mga Levita. At ang sinumang dayuhang lalapit sa tabernakulo ay dapat patayin. 52 Kapag itatayo ng mga tao ng Israel ang kanilang mga tolda, dapat itong gawin ng bawat lalaki malapit sa bandilang nabibilang sa kaniyang armadong grupo. 53 Gayon pa man, dapat itayo ng mga Levita ang kanilang mga tolda sa paligid ng tabernakulo ng toldang tipanan upang hindi bumaba ang aking galit sa mga tao ng Israel. Dapat ingatan ng mga Levita ang tabernakulo ng toldang tipanan." 54 Ginawa ng mga tao ng Israel ang lahat ng mga bagay na ito. Ginawa nila ang lahat na inutos ni Yahweh sa pamamagitan ni Moises.

Chapter 2

1 Muling nagsalita si Yahweh kina Moises at Aaron. Kaniyang sinabi, 2 "Ang bawat kaapu-apuhan ng mga Israelita ay dapat magkampo sa palibot ng bandila ng kaniyang armadong grupong nabibilang sa hukbo at sa palibot ng pinakamaliit na watawat na palatandaan sa kaniyang tribu. Ang kanilang mga kampo ay dapat nakaharap sa tolda ng pagpupulong. 3 Dapat magkampo ang mga lalaking nabibilang sa kampo ni Juda kasama ang kanilang armadong grupo sa palibot ng bandila ni Juda, sa silangan ng tolda ng pagpupulong, kung saan sumisikat ang araw. Si Naason na anak ni Amminadab ang dapat mamuno sa hukbo ni Juda. 4 Ang hukbo ni Juda ay may 74, 600 na kalalakihan. 5 Dapat magkampo ang tribu ni Isacar kasunod ni Juda. Si Nethanael na anak ni Zuar ang dapat mamuno sa hukbo ni Isacar. 6 Ang hukbo ni Isacar ay may 54, 400 na kalalakihan. 7 Dapat magkampo ang tribu ni Zebulon kasunod ng kampo ni Isacar. Si Eliab na anak ni Helon ang dapat mamuno sa hukbo ni Zebulun. 8 Ang hukbo ni Zebulon ay may 57, 400 na kalalakihan. 9 Ang lahat ng hukbong nagkampo kasama si Juda ay 186, 400 na kalalakihan. Sila ang dapat maunang lumabas mula sa kampo. 10 Dapat magkampo ang mga hubo sa katimugang bahagi sa palibot ng bandila ni Ruben. Si Elizur na anak ni Shedeur ang dapat mamuno sa hukbo ni Ruben. 11 Ang hukbo ni Ruben ay may 46, 500 na kalalakihan. 12 Dapat magkampo ang tribu ni Simeon kasunod ni Ruben. Si Selumiel na anak ni Zurisaddai ang dapat mamuno sa hukbo ni Simeon. 13 Ang hukbo ni Simeon ay may 59, 300 na kalalakihan. 14 Sumunod ang tribu ni Gad. Si Eliasaf na anak ni Deuel ang dapat mamuno sa hukbo ni Gad. 15 Ang hukbo ni Gad ay may 45, 650 na kalalakihan. 16 Ang lahat ng mga hukbong dapat magkampong kasama ni Ruben ay may bilang na 151, 450 na kalalakihan. Sila ang dapat pangalawang lumabas mula sa kampo. 17 Susunod, dapat lumabas mula sa kampo ang tolda ng pagpupulong kasama ng mga Levita sa gitna ng lahat ng kampo. Dapat lalabas sila mula sa kampo sa parehong pagkakaayos gaya ng kanilang pagpasok sa loob ng kampo. Ang bawat lalaki ay dapat nasa kaniyang kinalalagyan, sa tabi ng kaniyang bandila. 18 Dapat magkampo ang hukbo ng Efraim sa dakong kanluran ng tolda ng pagpupulong. Si Elishama na anak ni Ammiud ang dapat mamuno sa hukbo ng Efraim. 19 Ang hukbo ng Efraim ay may 40, 500 na kalalakihan. 20 Dapat ang tribu ni Manases ang magkampong kasunod ng Efraim. Si Gamaliel na anak ni Pedasur ang dapat mamuno sa hukbo ni Manases. 21 Ang hukbo ng Manases ay may 32, 200 na kalalakihan. 22 Susunod ang tribu ni Benjamin. Si Abidan na anak ni Gideon ang dapat mamuno sa hukbo ni Benjamin. 23 Ang hukbo ni Manases ay may 35, 400 na kalalakihan. 24 Lahat ng mga hukbong nagkampong kasama ni Efraim ay may bilang na 108, 100 na kalalakihan. Sila ang pangatlong dapat lumabas mula sa kampo. 25 Dapat magkampo ang hukbo ni Dan sa palibot ng kaniyang bandila sa dakong hilaga ng tabernakulo. Si Ahieser na anak ni Ammisaddai ang dapat mamuno sa mga kaapu-apuhan ni Dan. 26 Ang hukbo ni Dan ay may 62, 700 na kalalakihan. 27 Dapat magkampo ang tribu ni Aser kasunod ni Dan. Si Pagiel na anak ni Okran ang dapat mamuno sa mga kaapu-apuhan ni Aser. 28 Ang hukbo ni Aser ay may 41, 500 na kalalakihan. 29 Ang sumunod ay ang tribu ni Neftali. Si Ahira na anak ni Enan ang dapat mamuno sa mga kaapu-apuhan ni Neftali. 30 Ang hukbo ni Neftali ay may 53, 400 na kalalakihan. 31 Lahat ng mga hukbong nagkampong kasama ni Dan ay may bilang na 157, 600 na kalalakihan. Sila ang dapat mahuling lumabas mula sa kanilangkampo kasama ang kanilang bandila." 32 Naibilang nina Moises at Aaron ayon sa mga angkan ng kanilang ninuno ang 603, 550 na kalalakihan sa mga hukbo ng mga Israelita. 33 Ngunit hindi naibilang nina Moises at Aaron ang mga Levita sa mga tao ng Israel. Ito ay ayon sa iniutos ni Yahweh kay Moises. 34 Ginawa ng mga Israelita ang lahat ng bagay na ipinag-utos ni Yahweh kay Moises. Nagkampo sila sa tabi ng kanilang mga bandila. Lumabas sila mula sa kampo ayon sa kanilang mga angkan, batay sa pagkakasunod ng mga angkan nga kanilang mga ninuno.

Chapter 3

1 Ngayon ito ang kasaysayan ng mga kaapu-apuhan nina Aaron at Moises nang kausapin ni Yahweh si Moises sa Bundok Sinai. 2 Ang mga pangalan ng mga Anak na lalaki ni Aaron ay sina Nadab ang panganay, at Abihu, Eleazar, at Itamar. 3 Ito ang mga pangalan ng mga anak na lalaki ni Aaron, ang mga paring pinahiran ng langis at siyang itinalaga upang maglingkod bilang mga pari. 4 Ngunit namatay sa harapan ni Yahweh sina Nadab at Abihu nang naghandog sila kay Yahweh ng hindi katanggap-tanggap na apoy sa ilang ng Sinai. Walang mga anak sina Nadab at Abihu, kaya sina Eleazar at Itamar lamang ang naglingkod bilang mga pari kasama ni Aaron na kanilang ama. 5 Nagsalita si Yahweh kay Moises Moises. Sinabi niya, 6 "Dalhin mo ang tribu ni Levi at iharap sila kay Aaron na pari para matulungan nila siya. 7 Dapat nilang isagawa ang tungkulin sa pangalan ni Aaron at ang buong sambayanan sa harap ng tolda ng pagpupulong. Dapat silang maglingkod sa tabernakulo. 8 Dapat nilang ingatan ang lahat ng mga kasangkapan sa tolda ng pagpupulong, at dapat nilang tulungan ang mga tribu ng Israel upang isagawa ang paglilingkod sa tabernakulo. 9 Dapat mong ibigay ang mga Levita kay Aaron at sa kaniyang mga anak na lalaki. Ganap silang ibinigay upang tulungan siyang maglingkod sa mga tao ng Israel. 10 Dapat mong hirangin sina Aaron at ang kaniyang mga anak na lalaki bilang mga pari, ngunit sinumang dayuhang lalapit ay dapat patayin." 11 Nagsalita si Yahweh kay Moises. Sinabi niya, 12 "Tingnan mo, kinuha ko ang mga Levita mula sa mga tao ng Israel. Ginawa ko ito sa halip na kunin ang bawat panganay na lalaki na ipinanganak mula sa mga tao ng Israel. Pag-aari ko ang mga Levita. 13 Pag-aari ko ang lahat ng mga panganay. Sa araw na sasalakayin ko ang lahat ng panganay sa lupain ng Ehipto, inilaan ko para sa aking sarili ang lahat ng panganay sa Israel, kapwa mga tao at mga hayop. Sila ay pag-aari ko. Ako si Yahweh." 14 Nagsalita si Yahweh kay Moises sa ilang ng Sinai. Sinabi niya, 15 "Bilangin mo ang mga kaapu-apuhan ni Levi sa bawat pamilya, sa mga tahanan ng kanilang mga ninuno. Bilangin mo ang bawat lalaki na isang buwang gulang at pataas." 16 Sila ay binilang ni Moises, bilang pagsunod sa atas na ibinigay sa kanila ng salita ni Yahweh, gaya ng iniutos sa kaniya ni Yahweh. 17 Ang mga pangalan ng mga anak na lalaki ni Levi ay sina Gerson, Kohat, at Merari. 18 Ang mga angkan na nagmumula sa mga anak na lalaki ni Gerson ay sina Libni at Shimei. 19 Ang mga angkan na nagmumula sa mga anak na lalaki ni Kohat ay sina, Amram, Izar, Hebron, at Uziel. 20 Ang mga angkan na nagmumula sa mga anak na lalaki ni Merari ay sina Mahali at Musi. Ito ang mga angkan ng mga Levita, na nakatala angkan sa angkan. 21 Ang mga angkan ng mga Libnita at ng mga Shimeita ay nagmula kay Gerson. Ito ang mga angkan ng mga Gersonita. 22 Lahat ng mga lalaki mula sa isang buwang gulang at pataas ay binilang, na may kabuuang bilang na 7, 500. 23 Dapat magkampo ang angkan ng mga Gersonita sa dakong kanluran ng tabernakulo. 24 Dapat pangunahan ni Eliasaf na anak na lalaki ni Lael ang angkan ng kaapu-apuhan ng mga Gersonita. 25 Dapat ingatan ng pamilya ni Gerson ang mga kurtina ng tabernakulo sa ilalim ng panlabas na mga takip ng tolda ng pagpupulong. Dapat nilang ingatan ang tolda, ang mala-toldang pantakip, at ang kurtina para sa pasukan patungo sa tolda ng pagpupulong. 26 Dapat nilang ingatan ang mga tabing sa patyo, ang kurtina sa pasukan ng patyo—ang patyo na nakapalibot sa santuwaryo at ang altar. Dapat nilang ingatan ang mga lubid ng tolda ng pagpupulong at para sa lahat ng bagay na nasa loob nito. 27 Ang mga angkan na ito ay nagmula kay Kohat: ang angkan ng mga Amramita, ang angkan ng mga Izarita, ang angkan ng mga Hebronita, at ang angkan ng mga Uzielita. Ang mga angkan na ito ay nabibilang sa mga Kohatita. 28 8, 600 na mga lalaki ang nabilang na may edad isang buwang gulang at pataas upang mag-ingat sa mga bagay na pag-aari ni Yahweh. 29 Dapat magkampo ang mga pamilya ng mga kaapu-apuhan ni Kohat sa dakong timog ng tabernakulo. 30 Dapat pangunahan ni Elizafan na anak na lalaki ni Uziel ang mga angkan ng mga Kohatita. 31 Dapat nilang ingatan ang kaban, ang mesa, ang ilawan, ang mga altar, ang mga sagradong bagay na ginagamit sa kanilang paglilingkod, ang kurtina, at ang lahat ng gawain sa palibot nito. 32 Dapat pangunahan ni Eleazar na anak na lalaki ni Aaron na pari ang mga kalalakihang namumuno sa mga Levita. Dapat niyang pangasiwaan ang mga lalaking nag-iingat sa banal na lugar. 33 Dalawang angkan ang nagmula kay Merari: ang angkan ng mga Mahlita at ang angkan ng mga Musita. Ang mga angkan na ito ay nagmula kay Merari. 34 6, 200 na mga lalaki ang nabilang na may edad isang buwang gulang at pataas. 35 Dapat pangunahan ni Zuriel na anak na lalaki ni Abihail ang mga angkan ni Merari. Dapat silang magkampo sa dakong hilaga ng tabernakulo. 36 Dapat ingatan ng mga kaapu-apuhan ni Merari ang mga tabla ng tabernakulo, ang mga pahalang na haligi, mga poste, mga patungan, lahat ng mga kagamitang metal, at lahat ng bagay na kaugnay sa mga ito, kabilang 37 ang mga haligi at mga poste ng patyo na nakapalibot sa tabernakulo, kasama ang mga patungan ng poste ng mga ito, mga tulos, at mga lubid. 38 Dapat magkampo sina Moses at Aaron at ang kaniyang mga anak na lalaki sa dakong silangan ng tabernakulo, sa harapan ng tolda ng pagpupulong, sa dakong sinisikatan ng araw. Sila ang mamahala para sa katuparan ng kanilang mga tungkulin sa santuwaryo at sa mga tungkulin ng mga tao ng Israel. Dapat patayin ang sinumang dayuhan na lalapit sa santuwaryo. 39 Binilang nina Moises at Aaron ang lahat ng mga lalaki sa mga angkan ni Levi na may edad isang buwang gulang at pataas, gaya ng iniutos ni Yahweh. Dalawampu't dalawang libong kalalakihan ang nabilang nila. 40 Sinabi ni Yahweh kay Moises, "Bilangin mo ang lahat ng panganay na mga lalaki sa mga tao ng Israel na may edad isang buwang gulang at pataas. Ilista mo ang kanilang mga pangalan. 41 Dapat mong kunin ang mga Levita para sa akin sa halip na ang lahat ng mga panganay ng mga tao ng Israel. Ako si Yahweh. At dapat mong kunin ang alagang hayop ng mga Levita sa halip na ang lahat ng panganay na alagang hayop ng mga kaapu-apuhan ni Israel." 42 Binilang ni Moises ang lahat ng panganay na mga tao ng Israel gaya ng iniutos ni Yahweh na gawin niya. 43 Binilang niya ang lahat ng mga panganay na mga lalaki ayon sa kanilang pangalan, na may edad isang buwang gulang at pataas. 22, 273 na kalalakihan ang nabilang niya. 44 Muling nagsalita si Yahweh kay Moises. Sinabi niya, 45 "Kunin mo ang mga Levita sa halip na ang lahat ng panganay sa mga tao ng Israel. At kunin mo ang alagang hayop ng mga Levita sa halip na ang alagang hayop ng mga tao. Ang mga Levita ay pag-aari ko. Ako si Yahweh. 46 Dapat kang mangolekta ng limang siklo para sa pantubos ng bawat isa sa 273 panganay ng mga tao ng Israel na humigit sa bilang ng mga Levita. 47 Dapat mong gamitin ang siklo ng santuwaryo bilang iyong pamantayang timbang. Ang siklo ay katumbas ng dalawampung gera. 48 Dapat mong ibigay ang halaga ng pantubos na iyong binayaran kay Aaron at sa kanyang mga anak na lalaki." 49 Kaya tinipon ni Moises ang pambayad ng pantubos mula sa mga taong humigit sa bilang ng mga natubos ng mga Levita. 50 Tinipon ni Moises ang mga pera mula sa panganay na anak ng mga tao ng Israel. Nakaipon siya ng 1, 365 na siklo, na tumitimbang sa siklo ng santuwaryo. 51 Ibinigay ni Moises ang pantubos na pera kay Aaron at sa kanyang mga anak na lalaki. Ginawa ni Moises ang lahat ng bagay na sinabi sa kanya upang gawin sa pamamagitan ng mga salita ni Yahweh, gaya ng iniutos sa kanya ni Yahweh.

Chapter 4

1 Nagsalita si Yahweh kina Moises at Aaron. Sinabi niya, 2 "Magsagawa kayo ng isang pagtatala sa mga lalaking kaapu-apuhan ni Kohat na nagmula sa mga Levita, sa pamamagitan ng kanilang mga angkan at ng mga pamilya ng kanilang ninuno. 3 Bilangin ninyo ang lahat ng kalalakihan na tatlumpu hanggang limampung taong gulang. 4 Dapat sumali ang kalalakihang ito sa samahan para maglingkod sa tolda ng pagpupulong. Dapat pangalagaan ng mga kaapu-apuhan ni Kohat ang pinakasagradong mga bagay na inilaan para sa akin sa tolda ng pagpupulong. 5 Kapag naghahanda ang kampo para umabante, dapat pumunta si Aaron at ang kaniyang mga anak na lalaki sa tolda, ibaba ang kurtina na naghihiwalay sa pinakabanal na lugar mula sa banal na lugar, at itakip ito sa kaban ng tipan. 6 Dapat nilang takpan ang kaban ng mga balat ng dugong. Dapat silang maglatag ng asul na tela sa taas nito. Dapat nilang ilagay ang mga pasanan sa pagbubuhat nito. 7 Dapat silang maglatag ng isang asul na tela sa mesa ng tinapay ng presensya. Sa ibabaw nito, dapat nilang ilagay ang mga pinggan, mga kutsara, mga mangkok, at mga banga para sa pagbubuhos. Dapat palaging nasa mesa ang tinapay. 8 Dapat nilang takpan ang mga ito ng isang matingkad na pulang tela at muli ng mga balat ng dugong. Dapat nilang ilagay ang mga pasanan sa pagbubuhat sa mesa. 9 Dapat silang kumuha ng isang asul na tela at takpan ang patungan ng ilawan, kasama ng mga ilawan nito, mga sipit, mga sisidlan ng abo, at lahat ng mga banga ng langis para sa mga ilawan. 10 Dapat nilang takpan ang patungan ng ilawan at ang lahat ng mga kasangkapan nito ng mga balat ng dugong, at dapat nilang ilagay ito sa balangkas na binubuhat. 11 Dapat nilang ilatag ang isang asul na tela sa gintong altar. Dapat nilang takpan ito ng mga balat ng dugong, at pagkatapos ay ilagay ang mga pasanan sa pagbubuhat. 12 Dapat nilang dalhin ang lahat ng kasangkasapan para sa gawain sa loob ng banal na lugar at balutin ito ng isang asul na tela. Dapat nilang takpan ito ng mga balat ng dugong at ilagay ang kasangkapan sa balangkas na binubuhat. 13 Dapat nilang alisin ang mga abo mula sa altar at maglatag ng isang lilang tela sa altar. 14 Dapat nilang ilagay ang lahat ng kasangkapan sa balangkas na binubuhat na ginagamit nila sa paggawa ng altar. Ang mga bagay na ito ay ang mga kawali, mga tinidor, mga pala, mga mangkok, at lahat ng ibang kasangkapan para sa altar. Dapat nilang takpan ang altar ng mga balat ng dugong at pagkatapos ay ilagay ang mga pasanan sa pagbubuhat. 15 Kapag ganap na natakpan ni Aaron at ng kaniyang mga anak na lalaki ang banal na lugar at lahat ng mga kasangkapan nito, at kapag umabante ang kampo, dapat pumunta ang mga kaapu-apuhan ni Kohat upang dalhin ang banal na lugar. Kapag hinawakan nila ang mga sagradong kasangkapan, dapat silang mamatay. Ito ang gawain ng mga kaapu-apuhan ni Kohat, upang dalhin ang mga gamit sa tolda ng pagpupulong. 16 Dapat pangalagaan ni paring Eleazar na anak na lalaki ni Aaron ang langis para sa ilaw. Dapat niyang pangasiwaan ang pangangalaga ng matamis na insenso, ang palagiang handog na butil, ang pampahid na langis, ang buong tabernakulo at lahat ng narito, ang sagradong mga kagamitan at mga artikulo." 17 Nagsalita si Yahweh kina Moises at Aaron. Sinabi niya, 18 "Huwag hayaan ang mga angkan ng mga tribu ni Kohat na maalis mula sa mga Levita. 19 Ipangtanggol ninyo sila sa paggawa nito, upang sila ay mabuhay at hindi mamamatay. Kapag nilapitan nila ang pinakabanal na mga bagay 20 hindi sila dapat pumasok upang tingnan ang banal na lugar kahit sandali, kasi kung gagawin nila, dapat silang mamatay. Dapat pumasok sina Aaron at ang kaniyang mga anak na lalaki at pagkatapos, dapat italaga nina Aaron at ng kaniyang mga anak na lalaki ang bawat Kohatita sa kaniyang gawain, sa kaniyang natatanging mga tungkulin." 21 Nagsalita muli si Yahweh kay Moises. Sinabi niya, 22 "Gumawa ka rin ng isang pagtatala ng mga kaapu-apuhan ni Gerson, ayon sa mga pamilya ng kanilang ninuno, ayon sa kanilang mga angkan. 23 Bilangin mo iyong mga tatlumpu hanggang limampung taong gulang. Bilangin mo silang lahat na sasali sa samahan upang maglingkod sa tolda ng pagpupulong. 24 Ito ay ang gawain ng mga angkan ng Gersonita, kapag sila ay naglilingkod at anuman ang kanilang binubuhat. 25 Dapat nilang dalhin ang mga kurtina ng tabernakulo, ang tolda ng pagpupulong, ang mga pantakip nito, ang pantakip na balat ng dugong na nakalagay dito, at ang mga kurtina para sa pasukan ng tolda ng pagpupulong. 26 Dapat nilang dalhin ang mga kurtina ng patyo, ang kurtina para sa daanan sa tarangkahan ng patyo, na malapit sa tabernakulo at malapit sa altar, ang mga lubid nito, at lahat ng mga kasangkapan para sa kanilang paglilingkod. Anuman ang kailangang gawin sa mga bagay na ito, dapat nilang gawin ito. 27 Dapat pamahalaan nila Aaron at ng kaniyang mga anak na lalaki ang lahat ng paglilingkod ng mga kaapu-apuhan ng mga Gersonita, sa bawat bagay na kanilang ililipat, at sa lahat ng kanilang paglilingkod. Dapat mo silang italaga sa lahat ng kanilang mga tungkulin. 28 Ito ay ang paglilingkod ng mga angkan ng mga kaapu-apuhan ng mga Gersonita para sa tolda ng pagpupulong. Ang pari na si Itamar na anak na lalaki ni Aaron ang dapat na manguna sa kanilang paglilingkod. 29 Dapat mong bilangin ang mga kaapu-apuhan ni Merari ayon sa kanilang mga angkan, at iayos mo sila ayon sa mga pamilya ng kanilang ninuno, 30 mula tatlumpung taong gulang pataas hanggang limampung taong gulang. Bilangin mo bawat isa na sasali sa samahan at maglilingkod sa tolda ng pagpupulong. 31 Ito ay ang kanilang tungkulin at kanilang gawain sa lahat ng kanilang paglilingkod para sa tolda ng pagpupulong. Dapat nilang pangalagaan ang pagbabalangkas ng tabernakulo, mga pahalang na haligi nito, mga poste, at mga patungan, 32 kasama ng mga poste ng patyo sa palibot ng tabernakulo, ang mga patungan ng mga ito, mga tulos na pako, at ang mga lubid nito, kasama ang mga metal ng mga ito. Itala sa kanilang pangalan ang mga bagay na dapat nilang dalhin. 33 Ito ay ang paglilingkod ng mga angkan ng mga kaapu-apuhan ni Merari, anuman ang kanilang gagawin para sa tolda ng pagpupulong, sa ilalim ng pamamahala n paring Itamar na anak na lalaki ni Aaron." 34 Binilang nina Moises, Aaron at ng mga pinuno ng mga sambayanan ang mga kaapu-apuhan ng mga Kohatita ayon sa mga angkan ng mga pamilya ng kanilang ninuno. 35 Binilang sila mula tatlumpung taong gulang pataas hanggang limampung taong gulang. Binilang nila ang bawat isa na sasali sa samahan para maglingkod sa tolda ng pagpupulong. 36 Binilang nila ang 2, 750 na kalalakihan ayon sa kanilang mga angkan. 37 Binilang nina Moises at Aaron ang lahat ng kalalakihan sa mga angkan at mga pamilya ng mga Kohatita na siyang naglilingkod sa tolda ng pagpupulong. Sa pag-gawa nito, sinunod nila ang iniutos ni Yahweh na kanilang gawin sa pamamagitan ni Moises. 38 Binilang ang mga kaapu-apuhan ni Gerson sa kanilang mga angkan, ayon sa mga pamilya ng kanilang ninuno, 39 mula tatlumpu hanggang limampung taong gulang, bawat isa na sasali sa samahan para maglingkod sa tolda ng pagpupulong. 40 Lahat ng kalalakihan, binilang ayon sa kanilang mga angkan at mga pamilya ng kanilang ninuno, sa bilang na 2, 630. 41 Binilang nina Moises at Aaron ang mga angkan ng mga kaapu-apuhan ni Gerson na maglilingkod sa tolda ng pagpupulong. Sa paggawa nito, sinunod nila ang iniutos ni Yahweh sa kanila na gawin sa pamamagitan ni Moises. 42 Binilang ang mga kaapu-apuhan ni Merari sa kanilang angkan ayon sa mga pamilya ng kanilang ninuno, 43 mula tatlumpu hanggang limampung taong gulang, bawat isa na sasali sa samahan para maglingkod sa tolda ng pagpupulong. 44 Lahat ng kalalakihan, nabilang ayon sa kanilang mga angkan at mga pamilya ng kanilang mga ninuno, sa bilang na 3, 200. 45 Binilang nina Moises at Aaron ang lahat ng kalalakihang ito, ang mga kaapu-apuhan ni Merari. Sa paggawa nito, sinunod nila ang iniutos ni Yahweh sa kanila na gawin sa pamamagitan ni Moises. 46 Kaya binilang nina Moises, Aaron, at ng mga pinuno ng Israel ang lahat ng Levita ayon sa kanilang angkan sa mga pamilya ng kanilang ninuno 47 mula tatlumpu hanggang limampung taong gulang. Binilang nila ang bawat isa na gagawa ng mga gawain sa tabernakulo, at sinumang magdadala at mamamahala ng mga kagamitan sa tolda ng pagpupulong. 48 Nabilang nila ang 8, 580 na kalalakihan. 49 Sa utos ni Yahweh, binilang ni Moises ang bawat lalaki, patuloy na bilang ang bawat-isa ayon sa uri ng gawaing naitilaga sa kaniya upang gawin niya. Binilang niya ang bawat-isa sa uri ng tungkulin na kanyang pasanin. Sa paggawa nito, sinunod nila ang utos ni Yahweh na kanilang gawin sa pamamagitan ni Moises.

Chapter 5

1 Nagsalita si Yahweh kay Moises. Sinabi niya, 2 "Utusan mo ang mga tao ng Israel na paalisin mula sa kampo ang lahat ng may nakakahawang sakit sa balat, at lahat ng may tumutulong sugat, at ang sinumang marumi sa pamamagitan ng paghawak ng isang patay na katawan. 3 Maging lalaki o babae, dapat paalisin ninyo sila sa kampo. Hindi nila dapat dungisan ang kampo, dahil naninirahan ako dito." 4 Kaya ginawa ito ng mga tao ng Israel. Pinaalis nila sila sa kampo, gaya ng inutos ni Yahweh kay Moises. Sinunod ng mga tao ng Israel si Yahweh. 5 Muling nagsalita si Yahweh kay Moises. Sinabi niya, 6 "Magsalita ka sa mga tao ng Israel. Kapag nakagawa ang isang lalaki o babae ng anumang kasalanang tulad ng ginagawa ng mga tao sa isa't isa, at hindi tapat sa akin, ang taong iyon ay nagkasala. 7 Kung gayon, dapat niyang aminin ang kasalanang kaniyang nagawa. Dapat niyang ganap na bayaran ang halaga ng kaniyang pagkakasala at dagdagan ang halaga ng higit sa ikalimang bahagi. Dapat niyang ibigay ito sa isang taong nakagawan niya ng kamalian. 8 Ngunit kung ang taong nagawan niya ng kamalian ay walang malapit na kamag-anak upang tumanggap ng bayad, dapat niyang bayaran ang halaga para sa kaniyang pagkakasala sa akin sa pamamagitan ng isang pari, kasama ang isang lalaking tupa upang pambayad sala para sa kaniyang sarili. 9 Bawat handog na idinulog sa isang pari mula sa lahat ng sagradong bagay, ang mga bagay na inilaan ng mga tao ng Israel para sa akin ay mapapabilang sa paring iyon. 10 Mapapabilang sa pari ang bawat sagradong bagay na pag-aari ng mga tao. Mapapabilang sa paring iyon ang anumang ibibigay ng isang tao sa pari." 11 Muling nagsalita si Yahweh kay Moises. Sinabi niya, 12 "Magsalita ka sa mga tao ng Israel. Sabihin mo sa kanila, 'Ipagpalagay na tumalikod ang isang asawang babae at nagkasala laban sa kaniyang asawang lalaki. 13 Pagkatapos, ipagpalagay na ang isang lalaki ay nakipagtalik sa kaniya. Sa ganitong kalagayan, nadungisan siya. Kahit na hindi ito nakita ng kaniyang asawang lalaki o nalaman ang tungkol dito, at kahit wala ni isa ang nakahuli sa kaniya sa kaganapan at wala ni isa ang makapagpatotoo laban sa kaniya, 14 gayon pa man, maaaring ipaalam ng isang espiritu ng pagseselos sa asawang lalaki na ang kaniyang asawang ay nadungisan. Gayunman, ang espiritu ng pagseselos ay maaaring iparating sa isang lalaki na ang kaniyang asawa ay hindi nadungisan. 15 Sa ganitong mga kalagayan, dapat dalhin ng lalaki ang kaniyang asawa sa pari. Dapat magdala ng isang inuming handog ang asawang lalaki para sa kaniyang asawa. Dapat magdala siya ng isang ikasampu ng isang epa ng sebadang harina. Dapat hindi niya ito buhusan ng langis o kamanyang dahil ito ay isang handog na butil ng pagseselos, isang handog na butil na maaaring tagaturo ng kasalanan. 16 Ang pari ay dapat ilapit ang babae at iharap siya kay Yahweh. 17 Dapat kumuha ang pari ng isang tapayan ng banal na tubig at kumuha ng alikabok mula sa sahig ng tabernakulo. Dapat niyang ilagay ang alikabok sa tubig. 18 Dapat iharap ng pari ang babae kay Yahweh. Dapat alisin ng babae ang takip ng kaniyang ulo at alisin ang tali ng kaniyang buhok. Dapat ilagay ng pari sa kaniyang mga kamay ang handog na butil bilang isang pahiwatig. Ito ang handog na butil ng pagseselos. Dapat hawakan ng pari sa kaniyang kamay ang mapait na tubig na may alikabok na magdadala ng isang sumpa sa kaniya. 19 Dapat panumpain siya ng pari ng isang panunumpa. Dapat niyang sabihin sa babae, "Kung walang lalaking nakipagtalik sa iyo, at kung hindi ka naligaw at nakagawa ng kalaswaan, tiyak na ikaw ay magiging malaya mula sa mapait na tubig na ito na magdadala ng isang sumpa. 20 Ngunit kung ikaw ay isang babae na nasa ilalim ng kaniyang asawa, naligaw, kung nadungisan ka, at kung nakipagtalik sa iyo ang ilang lalaki..." 21 Dapat panumpain ng pari ang babae ng isang panunumpa na magdadala ng isang sumpa sa kaniya, at pagkatapos, dapat siyang patuloy na kausapin ang babae,"... at gagawin kang isang isinumpa ni Yahweh na ipapakita sa iyong mga tao na maging ganoon. Mangyayari ito kung pahihintulutan ni Yahweh ang iyong hita na mabulok at mamaga ang iyong tiyan. 22 Ang tubig na ito na nagdadala ng sumpa ay pupunta sa iyong tiyan, mamaga ang iyong tiyan, at mabubulok ang iyong mga hita." Isasagot dapat ng babae, "Oo, mangyari nawa ito kung ako ay nagkasala." 23 Dapat Isulat ng pari ang mga sumpang ito sa isang kasulatang binalumbon, at pagkatapos, dapat niyang hugasan ang mga sumpang isinulat sa mapait na tubig. 24 Ipapainom ng pari ang mapait na tubig sa babaeng magdadala ng sumpa. Papasok sa kaniya at magiging mapait ang tubig na magdadala ng sumpa. 25 Dapat kumuha ang pari ng handog na butil ng pagseselos mula sa kamay ng babae. Dapat niyang itaas ang handog na butil sa harap ni Yahweh at dalhin ito sa altar. 26 Dapat kumuha ng isang dakot ng handog na butil, isang bahagi nito, at sunugin ito sa altar. Pagkatapos, dapat niyang ibigay sa babae ang mapait na tubig upang inumin. 27 Kapag bibigyan niya ang babae ng tubig upang inumin, kung nadungisan siya dahil nakagawa siya ng isang kasalanan laban sa kaniyang asawang lalaki, ang tubig na magdadala ng sumpa ay papasok sa kaniya at magiging mapait. Mamamaga ang kaniyang tiyan at mabubulok ang kaniyang hita. Isusumpa ang babae sa gitna kaniyang mga tao. 28 Ngunit kung hindi nadungisan ang babae at kung malinis siya, dapat siyang maging malaya. Maaari siyang magkaroon ng mga anak. 29 Ito ay ang batas ng pagseselos. Ito ay ang batas para sa isang babaeng lumayo mula sa kaniyang asawa at nadungisan. 30 Ito ang batas para sa isang lalaki na may espiritu ng pagseselos kapag nagseselos siya sa kaniyang asawa. Dapat niyang dalhin ang babae sa harap ni Yahweh, at dapat gawin ng pari sa kaniya ang lahat ng bagay na inilalarawan ng batas na ito ng pagseselos. 31 Magiging malaya ang lalaki mula sa pagkakasala sapgkat dinala niyaang kaniyang asawa sa pari. Ang babae ay dapat niyang dalhin ang anumang kasalanang maaaring nasa kaniya.'"

Chapter 6

1 Nagsalita si Yahweh kay Moises. Sinabi niya, 2 "Magsalita ka sa mga tao ng Israel. Sabihin mo sa kanila, "Kapag ang isang lalaki o isang babae ay ibinukod niya ang kaniyang sarili kay Yahweh kasama ang isang natatanging panata ng isang Nazareo, 3 dapat niyang ilayo ang kaniyang sarili mula sa alak at matapang na inumin. Dapat hindi siya iinom ng suka na gawa mula sa alak o mula sa matapang na inumin. Dapat hindi siya iinom ng anumang katas ng ubas o kakain ng sariwang mga ubas o mga pasas. 4 Sa lahat ng araw na siya ay ibinukod sa akin, dapat wala siyang kakaining anumang bagay na gawa mula sa mga ubas, kabilang ang lahat ng bagay na gawa mula sa mga buto hanggang sa kanilang mga balat. 5 Sa buong panahon ng kaniyang panata ng pagbubukod, walang labaha ang gagamitin sa kaniyang ulo hanggang sa mga araw ng kaniyang pagbubukod kay Yahweh ay matupad. Dapat siyang ihandog kay Yahweh. Dapat niyang hayaang humaba ang buhok sa kaniyang ulo. 6 Sa buong panahon na ibubukod niya ang kaniyang sarili kay Yahweh, dapat hindi siya lalapit sa isang patay na katawan. 7 Dapat hindi niya dudumihan ang kaniyang sarili kahit na para sa kaniyang ama, ina, kapatid na lalaki, o sa kapatid na babae, kung sila ay namatay. Ito ay dahil ibinukod siya para sa Diyos, gaya ng maaaring makita ng lahat sa pamamagitan ng kaniyang mahabang buhok. 8 Sa buong panahon ng kaniyang pagbubukod siya ay banal, nakalaan para kay Yahweh. 9 Kung biglang namatay ang isang tao sa tabi niya at dudungisan ang kaniyang naibukod na pagkatao, sa gayon, dapat niyang ahitan ang kaniyang ulo sa araw ng kaniyang paglilinis na kung saan dapat pagkatapos ng pitong araw. Sa araw na iyon, dapat niyang ahitan ang kaniyang ulo. 10 Sa ikawalong araw, dapat niyang dalhin ang dalawang kalapati o dalawang batang kalapati sa pari sa pasukan patungo sa tolda ng pagpupulong. 11 Ang pari ay dapat maghandog ng isang ibon bilang handog sa kasalanan at ang isang ibon bilang handog na susunugin. Ito ay pambayad para sa kaniya dahil nagkasala siya sa pamamagitan ng pagiging malapit sa patay na katawan. Dapat muli niyang ihandog ang kaniyang sarili kay Yahweh sa araw ding iyon. 12 Dapat muli niyang ihandog ang kaniyang sarili kay Yahweh sa panahon ng kaniyang pagbubukod. Dapat niyang dalhin ang isang lalaking tupa na isang taong gulang bilang isang pag-aalay sa pagkakasala. Hindi dapat ibilang ang mga araw bago niya nadungisan ang kanyiang sarili, dahil nadungisan siya habang siya ay ibinukod para sa Diyos. 13 Ito ang batas tungkol sa Nazareo para kapag natapos na ang panahon ng kaniyang pagbubukod. Dapat siyang dalhin sa pasukan sa tolda ng pagpupulong. 14 Dapat niyang idulog ang kaniyang handog kay Yahweh. Dapat niyang ialay bilang isang handog na susunugin ang isang lalaking tupa na isang taong gulang at walang kapintasan. Dapat magdala siya ng isang babaeng tupa bilang handog para sa kasalanan na isang taong gulang at walang kapintasan. Dapat magdala siya ng isang lalaking tupa na walang dungis bilang handog para sa pagtitipon-tipon. 15 Dapat magdala rin siya ng isang buslo ng tinapay na ginawa na walang pampaalsa, mga tinapay ng pinong harina na hinaluan ng langis, mga wafer na tinapay na walang pampaalsa na pinahiran ng langis, kasama ang kanilang handog na butil at mga handog na inumin. 16 Dapat idulog ng pari ang mga ito sa harap ni Yahweh. Dapat niyang ialay ang kaniyang handog para sa kasalanan at handog na susunugin. 17 Kasama ang buslo ng tinapay na walang lebadura, dapat niyang idulog ang isang lalaking tupa bilang isang alay, ang handog sa pagtitipon-tipon kay Yahweh. Dapat idulog din ng pari ang handog na butil at ang handog na inumin. 18 Dapat ahitan ng Nazareo ang kaniyang ulo na nagpapahiwatig ng kaniyang pagkabukod sa Diyos sa pasukan patungo sa tolda ng pagpupulong. Dapat niyang kunin ang buhok mula sa kaniyang ulo at ilagay ito sa apoy sa ilalim ng paghahandog ng mga handog sa pagtitipon-tipon. 19 Dapat kunin ng pari ang pinakuluang balikat ng lalaking tupa, isang tinapay na walang pampaalsa mula sa buslo, at isang wafer na tinapay na walang pampaalsa. Dapat niyang ilagay ang mga ito sa kamay ng Nazareo pagkatapos niyang ahitan ang kaniyang ulo na nagpapahiwatig ng pagkabukod. 20 Dapat itaas ng pari ang mga ito bilang isang handog sa harap ni Yahweh at idulog ang mga ito sa kaniya. Ito ay banal na pagkain na nakalaan para sa pari, kasama ang dibdib na itinaas at ang hita na inihandog. Pagkatapos nito, maaari nang uminom ng alak ang Nazareo. 21 Ito ang batas para sa Nazareo na nagpapanata ng kaniyang alay kay Yahweh para sa kaniyang pagkabukod. Kahit ano pa ang maaari niyang ibigay, dapat niyang panatilihin ang kaniyang tungkulin ng panata na kaniyang kinuha, upang panatilihin ang pangakong nakalakip sa pamamagitan ng batas para sa Nazareo.'" 22 Muling nagsalita si Yahweh kay Moises. Sinabi niya, 23 "Kausapin mo si Aaron at ang kaniyang mga anak na lalaki. Sabihin mo, 'Dapat ninyong pagpalain ang mga tao ng Israel sa ganitong paraan. Dapat ninyong sabihin sa kaniya, 24 "Pagpalain ka nawa ni Yahweh at ingatan. 25 Pasisikatin nawa ni Yahweh ang kaniyang liwanag sa iyo, titingin sa iyo, at mahabag sa iyo. 26 Tingnan ka nawa si Yahweh nang may kabutihang loob at bigyan ka ng kapayapaan.'" 27 Sa ganitong paraan dapat nilang ibigay ang aking pangalan sa mga tao ng Israel. At pagpapalain ko sila."

Chapter 7

1 Sa araw na natapos ni Moises ang tabernakulo, binuhusan niya ito ng langis at itinalaga ito kay Yahweh, kasama ang lahat kagamitan. Ganoon din ang ginawa niya sa altar at lahat ng kagamitan nito. Binuhusan niya ng langis ang mga ito at itinalaga kay Yahweh. 2 Sa araw na iyon, nag-alay ng mga handog ang mga pinuno ng Israel, ang mga pangulo ng mga pamilya ng kanilang ninuno. Ang mga taong ito ang nangunguna sa mga tribu. Pinamahalaan nila ang pagbibilang ng mga kalalakihan sa sensus. 3 Dinala nila ang kanilang mga handog sa harapan ni Yahweh. Nagdala sila ng anim na karitong may takip at labindalawang lalaking baka. Nagdala sila ng isang kariton para sa bawat dalawang pinuno, at nagdala ang bawat pinuno ng isang lalaking baka. Idinulog nila ang mga bagay na ito sa harapan ng tabernakulo. 4 Pagkatapos, kinausap ni Yahweh si Moises. Sinabi niya, 5 "Tanggapin mo ang mga handog mula sa kanila at gamitin ang mga handog para sa gawain sa tolda ng pagpupulong. Ibigay mo ang mga handog sa mga Levita, sa bawat isa ayon sa kailangan ng kaniyang gawain." 6 Kinuha ni Moises ang mga kariton at ang mga lalaking baka, at ibinigay niya ang mga ito sa mga Levita. 7 Ibinigay niya ang dalawang kariton at apat na lalaking baka sa mga kaapu-apuhan ni Gerson, dahil sa kailangan ng kanilang gawain. 8 Ibinigay niya ang apat na kariton at walong lalaking baka sa mga kaapu-apuhan ni Merari, sa pangangalaga ni Itamar na anak na lalaki ni Aaron na pari. Ginawa niya ito dahil sa kailangan ng kanilang gawain. 9 Ngunit wala siyang ibinigay sa mga bagay na iyon sa mga kaapu-apuhan ni Kohat, dahil sa kanila ang mga gawaing nauukol sa mga bagay na nabibilang kay Yahweh na kanilang papasanin sa kanilang mga balikat. 10 Inialay ng mga pinuno ang kanilang mga handog para sa pagtatalaga ng altar sa araw na binuhusan ni Moises ng langis ang altar. Inialay ng mga pinuno ang kanilang mga handog sa harapan ng altar. 11 Sinabi ni Yahweh kay Moises, "Dapat ialay ng bawat pinuno ang kaniyang handog sa kaniyang sariling araw para sa pagtatalaga ng altar." 12 Sa unang araw, inihandog ni Naason na anak ni Aminadab mula sa tribu ni Juda ang kaniyang handog. 13 Ang kaniyang handog ay isang pilak na pinggan na tumitimbang ng 130 siklo at isang mangkok na pilak na tumitimbang ng pitumpung siklo, ayon sa pamantayang timbang ng santuwaryong siklo. Kapwa puno ng pinong harina na hinaluan ng langis para sa handog na butil ang mga bagay na ito. 14 Nagbigay din siya ng isang gintong pinggan na tumitimbang ng sampung siklo, na puno ng insenso. 15 Nagbigay siya ng isang batang toro, isang lalaking tupa at isang taong gulang na lalaking kordero bilang alay na susunugin. 16 Nagbigay siya ng isang lalaking kambing bilang handog para sa kasalanan. 17 Nagbigay siya ng dalawang lalaking baka, limang lalaking tupa, limang lalaking kambing, at limang lalaking kordero na isang taong gulang, bilang alay na handog para sa pagtitipon-tipon. Ito ang alay ni Naason na anak ni Amminadab. 18 Sa ikalawang araw, inihandog ni Nathanael na anak ni Zuar na pinuno ng tribu ni Isacar ang kaniyang handog. 19 Inialay niya bilang kaniyang handog ang isang pilak na pinggan na tumitimbang ng 130 siklo at isang mangkok na pilak na tumitimbang ng pitumpung siklo, ayon sa pamantayang timbang ng santuwaryong siklo. Kapwa puno ang mga ito ng pinong harina na hinaluan ng langis para sa handog na butil. 20 Nagbigay din siya ng isang gintong pinggan na tumitimbang ng sampung siklo, na puno ng insenso. 21 Nagbigay siya ng isang batang toro, isang lalaking tupa at isang taong gulang na lalaking tupa bilang alay na susunugin. 22 Nagbigay siya ng isang lalaking kambing bilang alay para sa kasalanan. 23 Nagbigay siya ng dalawang lalaking baka, limang lalaking tupa, limang lalaking kambing, at limang lalaking tupa na isang taong gulang, bilang alay na handog para sa pagtitipon-tipon. Ito ang alay ni Nethanael na anak ni Zuar. 24 Sa ikatlong araw, nag-alay ng kaniyang handog si Eliab na anak ni Helon, pinuno ng mga kaapu-apuhan ni Zebulon. 25 Ang kaniyang handog ay isang pilak na pinggan na tumitimbang ng 130 siklo at isang mangkok na pilak na tumitimbang ng pitumpung siklo ayon sa pamantayang timbang ng santuwaryong siklo. Kapwa puno ang mga bagay na ito ng pinong harina na hinaluan ng langis para sa handog na butil. 26 Nagbigay din siya ng isang gintong pinggan na tumitimbang ng sampung siklo, na puno ng insenso. 27 Nagbigay siya ng isang batang toro, isang lalaking tupa at isang taong gulang na lalaking tupa bilang isang alay na susunugin. 28 Nagbigay siya ng isang lalaking kambing bilang alay para sa kasalanan. 29 Nagbigay siya ng dalawang lalaking baka, limang lalaking tupa, limang lalaking kambing, at limang lalaking tupa na isang taong gulang, bilang alay na handog para sa pagtitipon-tipon. Ito ang alay ni Eliab na anak ni Helon. 30 Sa ikaapat na araw, nag-alay ng kaniyang handog si Elizur na anak ni Sedeur, pinuno ng mga kaapu-apuhan ni Ruben. 31 Ang kaniyang handog ay isang pilak na pinggan na tumitimbang ng 130 siklo at isang mangkok na pilak na tumitimbang ng pitumpung siklo, ayon sa pamantayang timbang ng santuwaryong siklo. Kapwa puno ang mga bagay na ito ng pinong harina na hinaluan ng langis para sa handog na butil. 32 Nagbigay din siya ng isang gintong pinggan na tumitimbang ng sampung siklo, na puno ng insenso. 33 Nagbigay siya ng isang batang toro, isang lalaking tupa at isang taong gulang na lalaking tupa bilang alay na susunugin. 34 Nagbigay siya ng isang lalaking kambing bilang handog para sa kasalanan. 35 Nagbigay siya ng dalawang lalaking baka, limang lalaking tupa, limang lalaking kambing, at limang lalaking tupa na isang taong gulang, bilang alay na handog para sa pagtitipon-tipon. Ito ang alay ni Elizur na anak ni Sedeur. 36 Sa ikalimang araw, nag-alay ng kaniyang handog si Shelumiel na anak ni Zurisaddai, pinuno ng mga kaapu-apuhan ni Simeon. 37 Ang kaniyang handog ay isang pilak na pinggan na tumitimbang ng 130 siklo at isang mangkok na pilak na tumitimbang ng pitumpung siklo, ayon sa pamantayang timbang ng santuwaryong siklo. Kapwa puno ang mga bagay na ito ng pinong harina na hinaluan ng langis para sa handog na butil. 38 Nagbigay din siya ng isang gintong pinggan na tumitimbang ng sampung siklo, na puno ng insenso. 39 Nagbigay siya ng isang batang toro, isang lalaking tupa at isang taong gulang na lalaking tupa bilang alay na susunugin. 40 Nagbigay siya ng isang lalaking kambing bilang alay para sa kasalanan. 41 Nagbigay siya ng dalawang lalaking baka, limang lalaking tupa, limang lalaking kambing, at limang lalaking tupa na isang taong gulang, bilang alay na handog para sa pagtitipon-tipon. Ito ang alay ni Selumiel na anak ni Zurisaddai. 42 Sa ikaanim na araw, nag-alay ng kaniyang handog si Eliasaf na anak ni Deuel, pinuno ng mga kaapu-apuhan ni Gad. 43 Ang kaniyang handog ay isang pilak na pinggan na tumitimbang ng 130 siklo at isang mangkok na pilak na tumitimbang ng pitumpung siklo, ayon sa pamantayang timbang ng santuwaryong siklo. Kapwa puno ang mga bagay na ito ng pinong harina na hinaluan ng langis para sa handog na butil. 44 Nagbigay din siya ng isang gintong pinggan na tumitimbang ng sampung siklo, na puno ng insenso. 45 Nagbigay siya ng isang batang toro, isang lalaking tupa at isang taong gulang na lalaking tupa bilang alay na susunugin. 46 Nagbigay siya ng isang lalaking kambing bilang handog para sa kasalanan. 47 Nagbigay siya ng dalawang lalaking baka, limang lalaking tupa, limang lalaking kambing, at limang lalaking tupa na isang taong gulang, bilang alay para sa handog para sa pagtitipon-tipon. Ito ang alay ni Eliasaf na anak ni Deuel. 48 Sa ikapitong araw, nag-alay ng kaniyang handog si Elishama na anak ni Ammiud, pinuno ng mga kaapu-apuhan ni Efraim. 49 Ang kaniyang handog ay isang pilak na pinggan na tumitimbang ng 130 siklo at isang mangkok na pilak na tumitimbang ng pitumpung siklo, ayon sa pamantayang timbang ng santuwaryong siklo. Kapwa puno ang mga bagay na ito ng pinong harina na hinaluan ng langis para sa handog na butil. 50 Nagbigay din siya ng isang gintong pinggan na tumitimbang ng sampung siklo, na puno ng insenso. 51 Nagbigay siya ng isang batang toro, isang lalaking tupa at isang taong gulang na lalaking tupa bilang alay na susunugin. 52 Nagbigay siya ng isang lalaking kambing bilang alay para sa kasalanan. 53 Nagbigay siya ng dalawang lalaking baka, limang lalaking tupa, limang lalaking kambing, at limang lalaking tupa na isang taong gulang, bilang alay na handog para sa pagtitipon-tipon. Ito ang alay ni Elishama na anak ni Ammiud. 54 Sa ikawalong araw, nag-alay ng kaniyang handog si Gamaliel na anak ni Pedasur, pinuno ng mga kaapu-apuhan ni Manases. 55 Ang kaniyang handog ay isang pilak na pinggan na tumitimbang ng 130 siklo at isang mangkok na pilak na tumitimbang ng pitumpung siklo, ayon sa pamantayang timbang ng santuwaryong siklo. Kapwa puno ang mga bagay na ito ng pinong harina na hinaluan ng langis para sa handog na butil. 56 Nagbigay din siya ng isang gintong pinggan na tumitimbang ng sampung siklo, puno ng insenso.. 57 Nagbigay siya ng isang batang toro, isang lalaking tupa at isang taong gulang na lalaking tupa bilang alay na susunugin. 58 Nagbigay siya ng isang lalaking kambing bilang alay para sa kasalanan. 59 Nagbigay siya ng dalawang lalaking baka, limang lalaking tupa, limang lalaking kambing, at limang lalaking tupa na isang taong gulang, bilang alay na handog para sa pagtitipon-tipon. Ito ang alay ni Gamaliel na anak ni Pedahzur. 60 Sa ikasiyam na araw, nag-alay ng kaniyang handog si Abidan na anak ni Gideon, pinuno ng mga kaapu-apuhan ni Benjamin. 61 Ang kaniyang handog ay isang pilak na pinggan na tumitimbang ng 130 siklo at isang mangkok na pilak na tumitimbang ng pitumpung siklo, ayon sa pamantayang timbang ng santuwaryong siklo. Kapwa puno ang mga bagay na ito ng pinong harina na hinaluan ng langis para sa handog na pagkaing butil. 62 Nagbigay din siya ng isang gintong pinggan na tumitimbang ng sampung siklo, puno ng insenso. 63 Nagbigay siya ng isang batang toro, isang lalaking tupa at isang taong gulang na lalaking tupa bilang alay na susunugin. 64 Nagbigay siya ng isang lalaking kambing bilang handog para sa kasalanan. 65 Nagbigay siya ng dalawang lalaking baka, limang lalaking tupa, limang lalaking kambing, at limang lalaking tupa na isang taong gulang, bilang alay na handog para sa pagtitipon-tipon. Ito ang alay ni Abidan na anak ni Gideon. 66 Sa ikasampung araw, nag-alay ng kaniyang handog si Ahiezer na anak ni Ammisaddai, pinuno ng mga kaapu-apuhan ni Dan. 67 Ang kaniyang handog ay isang pilak na pinggan na tumitimbang ng 130 siklo at isang mangkok na pilak na tumitimbang ng pitumpung siklo, ayon sa pamantayang timbang ng santuwaryong siklo. Kapwa puno ang mga bagay na ito ng pinong harina na hinaluan ng langis para sa handog na pagkaing butil. 68 Nagbigay din siya ng isang gintong pinggan na tumitimbang ng sampung siklo, puno ng insenso. 69 Nagbigay siya ng isang batang toro, isang lalaking tupa at isang taong gulang na lalaking tupa bilang alay na susunugin. 70 Nagbigay siya ng isang lalaking kambing bilang alay para sa kasalanan. 71 Nagbigay siya ng dalawang lalaking baka, limang lalaking tupa, limang lalaking kambing, at limang lalaking tupa na isang taong gulang, bilang alay na handog para sa pagtitipon-tipon. Ito ang alay ni Ahiezer na anak ni Ammisaddai. 72 Sa ikalabing isang araw, nag-alay ng kaniyang handog si Pagiel na anak ni Okran, pinuno ng mga kaapu-apuhan ni Aser. 73 Ang kaniyang handog ay isang pilak na pinggan na tumitimbang ng 130 siklo at isang mangkok na pilak na tumitimbang ng pitumpung siklo, ayon sa pamantayang timbang ng santuwaryong siklo. Kapwa puno ang mga bagay na ito ng pinong harina na hinaluan ng langis para sa handog na butil. 74 Nagbigay din siya ng isang gintong pinggan na tumitimbang ng sampung siklo, puno ng insenso. 75 Nagbigay siya ng isang batang toro, isang lalaking tupa at isang taong gulang na lalaking tupa bilang alay na susunugin. 76 Nagbigay siya ng isang lalaking kambing bilang alay para sa kasalanan. 77 Nagbigay siya ng dalawang lalaking baka, limang lalaking tupa, limang lalaking kambing, at limang lalaking tupa na isang taong gulang, bilang alay na handog para sa pagtitipon-tipon. Ito ang alay ni Pagiel na anak ni Okran. 78 Sa ikalabindalawang araw, nag-alay ng kaniyang handog si Ahira na anak ni Enan, pinuno ng mga kaapu-apuhan ni Neftali. 79 Ang kaniyang handog ay isang pilak na pinggan na tumitimbang ng 130 siklo at isang mangkok na pilak na tumitimbang ng pitumpung siklo, ayon sa pamantayang timbang ng santuwaryong siklo. Kapwa puno ang mga bagay na ito ng pinong harina na hinaluan ng langis para sa handog na butil. 80 Nagbigay din siya ng isang gintong pinggan na tumitimbang ng sampung siklo, na puno ng insenso. 81 Nagbigay siya ng isang batang toro, isang lalaking tupa at isang taong gulang na lalaking tupa bilang alay na susunugin. 82 Nagbigay siya ng isang lalaking kambing bilang alay para sa kasalanan. 83 Nagbigay siya ng dalawang lalaking baka, limang lalaking tupa, limang lalaking kambing, at limang lalaking tupa na isang taong gulang, bilang alay na handog para sa pagtitipon-tipon. Ito ang alay ni Ahira na anak ni Enan. 84 Itinalaga ng mga pinuno ng Israel ang lahat ng bagay na ito sa araw na binuhusan ni Moises ng langis ang altar. Naglaan sila ng labindalawang pilak na pinggan, labindalawang mangkok na pilak at labindalawang gintong pinggan. 85 Bawat pilak na pinggan ay tumitimbang ng 130 siklo at bawat mangkok ay tumitimbang ng pitumpung siklo. Tumitimbang ng 2, 400 siklo ang lahat ng lalagyang pilak, ayon sa pamantayang timbang ng santuwaryong siklo. 86 Bawat isa sa labindalawang gintong pinggan, na puno ng insenso ay tumitimbang ng sampung siklo ayon sa pamantayang timbang ng santuwaryong siklo. Lahat ng gintong pinggan ay tumitimbang ng 120 siklo. 87 Itinalaga nila ang labindalawang batang toro, labindalawang lalaking tupa at labindalawang lalaking tupa na isang taong gulang bilang alay na susunugin. Ibinigay nila ang kanilang handog na butil. Ibinigay nila ang labindalawang lalaking kambing bilang alay para sa kasalanan. 88 Mula sa lahat ng kanilang mga alagang hayop, nagbigay sila ng dalawampu't apat na toro, animnapung lalaking tupa, animnapung lalaking kambing at animnapung lalaking tupang isang taong gulang, bilang alay na handog para sa pagtitipon-tipon. Para ito sa paglalaan ng altar, nang binuhusan ito ng langis. 89 Nang pumasok si Moises sa tolda ng pagpupulong upang makipag-usap kay Yahweh, narinig niya ang kaniyang tinig na kinakausap siya. Kinausap siya ni Yahweh mula sa itaas ng takip ng luklukan ng awa na nasa kaban ng tipan, mula sa gitna ng dalawang kerubim. Nakipag-usap siya sa kaniya.

Chapter 8

1 Nagsalita si Yahweh kay Moises. Sinabi niya, 2 "Kausapin mo si Aaron. Sabihin mo sa kaniya, 'Dapat magbigay ng liwanag ang pitong ilawan sa harapan ng patungan ng ilaw kapag sinindihan mo ang mga ito.''' 3 Ginawa ito ni Aaron. Sinindihan niya ang mga ilawan na nasa patungan ng ilawan upang magbigay ng liwanag sa harapan nito, gaya ng inutos ni Yahweh kay Moises. 4 Ginawa ang patungan ng ilawan sa ganitong paraan: Ipinakita ni Yahweh kay Moises ang huwaran para rito: pinanday na ginto mula sa paanan hanggang sa itaas nito, kasama ang mga basong pinanday na parang mga bulaklak. 5 Muling nagsalita si Yahweh kay Moises. Sinabi niya, 6 "Kunin mo ang mga Levita mula sa mga tao ng Israel at gawin mo silang dalisay. 7 Gawin mo ito sa kanila upang gawin silang malinis: Iwisik mo sa kanila ang tubig na panlinis ng kasalanan. Paahitan mo sa kanila ang kanilang buong katawan, palabhan mo ang kanilang mga damit, at sa ganitong paraan gawing malinis ang kanilang sarili. 8 Pagkatapos pakuhain mo sila ng isang batang toro at ng handog butil ng pinong harinang hinaluan ng langis. Pakuhain mo sila ng isa pang batang toro bilang handog para sa kasalanan. 9 Idulog mo ang mga Levita sa harapan ng tolda ng pagpupulong, at tipunin mo ang buong sambayanan ng Israel. 10 Idulog mo ang mga Levita sa aking harapan, ni Yahweh. Dapat ipatong ng mga tao ng Israel ang kanilang mga kamay sa mga Levita. 11 Dapat ihandog ni Aaron ang mga Levita sa aking harapan, idulog mo sila na para bang itinaas sila sa kaniyang harapan, sa ngalan ng mga tao ng Israel. Dapat niyang gawin ito upang makapaglingkod sa akin ang mga Levita. 12 Dapat ipatong ng mga Levita ang kanilang mga kamay sa ulo ng mga toro. Dapat kang maghandog ng isang toro bilang alay para sa kasalanan at ang ibang toro bilang alay na susunugin sa akin, upang ibayad sa kasalanan ng mga Levita. 13 Idulog mo ang mga Levita sa harapan ni Aaron at sa harapan ng kaniyang mga anak, at itaas mo sila sa akin bilang handog. 14 Sa ganitong paraan dapat mong ihiwalay ang mga Levita mula sa mga tao ng Israel. Mapapabilang sa akin ang mga Levita. 15 Pagkatapos nito, dapat pumasok ang mga Levita upang maglingkod sa tolda ng pagpupulong. Dapat gawin mo silang dalisay. Dapat mo silang itaas sa akin bilang handog. 16 Gawin mo ito, dahil akin silang lahat mula sa mga tao ng Israel. Sila ang magiging kapalit ng bawat batang lalaking unang ipapanganak, ang panganay sa lahat ng kaapu-apuhan ng Israel. Kinuha ko ang mga Levita para sa aking sarili. 17 Sa akin ang lahat ng panganay mula sa mga tao ng Israel, kapwa mga tao at mga hayop. Sa araw na kinuha ko ang mga buhay ng lahat ng panganay sa lupain ng Ehipto, inilaan ko sila para sa aking sarili. 18 Kinuha ko ang mga Levita mula sa mga tao ng Israel sa halip na ang lahat ng panganay. 19 Ibinigay ko ang mga Levita bilang isang regalo kay Aaron at sa kaniyang mga anak na lalaki. Kinuha ko sila mula sa mga tao ng Israel upang gawin ang gawain ng mga tao ng Israel sa tolda ng pagpupulong. Ibinigay ko sila upang magbayad ng kasalanan para sa mga tao ng Israel upang walang salot ang pipinsala sa mga tao kapag lumapit sila sa banal na lugar." 20 Ginawa ito nina Moises, Aaron, at ng buong sambayanan ng Israel kasama ang mga Levita. Ginawa nila ang lahat ng bagay na inutos ni Yahweh kay Moises ukol sa mga Levita. Ginawa ito ng mga tao ng Israel na kasama nila. 21 Ginawang dalisay ng mga Levita ang kanilang sarili mula sa kasalanan sa pamamagitan ng paglalaba ng kanilang mga damit. Idinulog sila ni Aaron bilang isang handog kay Yahweh at ibinayad sila sa kasalanan para sa kanila, upang gawin silang dalisay. 22 Pagkatapos nito, pumasok ang mga Levita upang isagawa ang kanilang paglilingkod sa tolda ng pagpupulong sa harapan ni Aaron at sa harapan ng kaniyang mga anak na lalaki. Ito ang inutos ni Yahweh kay Moises tungkol sa mga Levita. Pinakitunguhan nila ang mga Levita sa ganitong paraan. 23 Muling nagsalita si Yahweh kay Moises. Sinabi niya, 24 "Ang lahat ng ito ay para sa mga Levitang dalawampu't-limang taong gulang pataas. Dapat silang sumama sa mga samahan upang maglingkod sa tolda ng pagpupulong. 25 Dapat silang tumigil sa paglilingkod sa paraang ganito sa gulang na limampung taon. Sa edad na iyan, hindi na sila dapat maglingkod pa. 26 Maaari nilang tulungan ang kanilang mga kapatid na patuloy na gumagawa sa tolda ng pagpupulong, ngunit hindi na sila dapat maglingkod pa. Dapat mong atasan ang mga Levita sa lahat ng bagay na ito."

Chapter 9

1 Nagsalita si Yahweh kay Moises sa ilang ng Sinai, sa unang buwan ng ikalawang taon matapos silang makalabas mula sa lupain ng Ehipto. Sinabi niya, 2 "Hayaan mong panatilihin ng mga tao ng Israel ang Paskua sa nakatakdang panahon nito sa bawat taon. 3 Sa paglubog ng araw sa ikalabing-apat na araw ng buwang ito, dapat ninyong ipagdiwang ang Paskua sa nakatakdang panahon nito sa bawat taon. Dapat ninyong panatilihin ito, sundin ang lahat ng alituntunin at sumunod sa lahat ng utos na kaugnay rito." 4 Kaya sinabi ni Moises sa mga tao ng Israel na dapat nilang panatilihin ang Pagdiriwang ng Paskua. 5 Kaya ipinagdiwangi nila ang Paskua sa unang buwan, sa gabi ng ikalabing-apat na araw ng buwan, sa ilang ng Sinai. Sinunod ng mga tao ng Israel ang lahat ng bagay na iniutos ni Yahweh kay Moises na kaniyang gawin. 6 May ilang kalalakihang naging marumi sa pamamagitan ng patay na katawan ng isang tao. Hindi nila magawang ipagdiwang ang Paskua sa araw ding iyon, pinuntahan nila sina Moises at Aaron sa parehong araw na iyon. 7 Sinabi ng mga lalaking iyon kay Moises, "Marumi kami dahil sa patay na katawan ng isang tao. Bakit mo kami pinipigilan sa pag-aalay ng handog kay Yahweh sa panahon panahon ng bawat taon sa mga tao ng Israel?" 8 Sinabi ni Moises sa kanila, "Hintayin ninyo na marinig ko kung ano ang itatagubilin ni Yahweh tungkol sa inyo." 9 Nagsalita si Yahweh kay Moises. Sinabi niya, 10 Magsalita ka sa mga tao ng Israel. Sabihin mo, ''Kung sinuman sa inyo o sa inyong mga kaapu-apuhan ay marumi dahil sa isang patay na katawan, o nasa isang mahabang paglalakabay, maaari pa rin niyang ipagdiwang ang Paskua para kay Yahweh.' 11 Dapat nilang ipagdiwang ang Paskua sa ikalawang buwan sa gabi ng ikalabing-apat na araw. Dapat nilang kainin ito kasama ng tinapay na walang pampaalsa at mga gulay na mapait. 12 Wala silang dapat ititira nito hanggang sa umaga, ni dapat nilang baliin ang isang buto ng mga hayop. Dapat nilang sundin ang lahat ng alituntunin para sa Paskua. 13 Ngunit sinumang taong malinis at wala sa isang paglalakbay, ngunit nabigong ipagdiwang ang Paskua, dapat itiwalag ang taong iyon mula sa kaniyang mga tao dahil hindi siya nag-alay ng handog na inatas ni Yahweh sa nakatakdang panahon ng bawat taon. Dapat dalhin ng taong iyon ang kaniyang kasalanan. 14 Kung nakikitira ang isang dayuhan sa inyo at ipinagdiriwang ang Paskua sa karangalan ni Yahweh, dapat niyang panatilihin ito at gawin lahat ng kaniyang iniuutos, sinusunod ang mga alituntunin ng Paskua at sinusunod ang mga batas para rito. Dapat kayong magkaroon ng parehong batas para sa dayuhan at para sa lahat ng ipinanganak sa lupain." 15 Sa araw na itinayo ang tabernakulo, binalot ng ulap ang tabernakulo, ang tolda ng kautusang tipan. Sa gabi nasa itaas ng tabernakulo ang ulap. Nagpakita ito na parang apoy hanggang sa umaga. 16 Nagpatuloy ito sa paraang ganito. Binalot ng ulap ang tabernakulo at nagpakita na parang apoy sa gabi. 17 Sa tuwing tumataas ang ulap mula sa ibabaw ng tolda, naghahanda sa paglalakbay ang mga tao ng Israel. Sa tuwing titiigil ang ulap, nagkakampo ang mga tao. 18 Sa utos ni Yahweh, naglalakbay ang mga tao ng Israel, at sa kaniyang utos, nagkakampo sila. Habang nakatigil ang ulap sa ibabaw ng tabernakulo, nananatili sila sa kanilang kampo. 19 Kapag nananatili ang ulap sa tabernakulo ng maraming araw, maaaring sundin ng mga tao ng Israel ang mga tagubilin ni Yahweh at huwag maglakbay. 20 Minsan nananatili ang ulap ng kaunting araw sa tabernakulo. Sa panahong iyon, susundin nila ang utos ni Yahweh—magkakampo sila at maglalakbay muli sa kaniyang utos. 21 Minsan naroroon ang ulap sa kampo mula gabi hanggang sa umaga. Kapag tumataas ang ulap sa umaga, maglalakbay sila. Kung magpapatuloy ito ng isang araw at isang gabi, kapag tumaas lamang ang ulap na sila ay magpapatuloy sa paglalakbay. 22 Kahit nananatili ang ulap sa tabernakulo ng dalawang araw, isang buwan o isang taon, habang nananatili ito roon, mananatili ang mga tao ng Israel sa kanilang kampo at hindi maglalakbay. Ngunit kapag tumaas ang ulap, nagpapatuloy sila sa kanilang paglalakbay. 23 Maaari silang magkampo sa utos ni Yahweh at maglalakaby sa kaniyang utos. Sinusunod nila ang utos ni Yahweh sa pamamagitan ni Moises.

Chapter 10

1 Nagsalita si Yahweh kay Moises. Sinabi niya, 2 "Gumawa ka ng dalawang trumpetang pilak. Pandayin mo ang pilak upang makagawa ng mga ito. Dapat gamitin mo ang mga trumpeta upang tawagin ang sambayanan nang sama-sama at upang sabihin sa sambayanang ilipat ang kanilang mga kampo. 3 Dapat hipan ng mga pari ang mga trumpeta upang tipunin ang buong sambayanan sa iyong harapan sa pasukan ng tolda ng pagpupulong. 4 Kung isang trumpeta lamang ang hihipan ng mga pari, ang mga pinuno, ang mga pangulo ng mga angkan ng Israel ay dapat magkatipon sa iyo. 5 Kapag humihip ka ng isang malakas na hudyat, ang mga kampo sa silangang dako ay dapat nilang simulan ang paglalakbay. 6 Kapag humihip kayo ng isang malakas na hudyat sa pangalawang pagkakaton, ang mga kampo sa katimugang dako ay dapat nilang simulan ang kanilang paglalakbay. Dapat humihip sila ng isang malakas na hudyat para sa kanilang mga paglalakbay. 7 Kapag nagtitipun-tipon ang sambayanan, hipan mo ang mga trumpeta, ngunit mahina. 8 Dapat hipan ng mga lalaking anak ni Aaron na mga pari, ang mga trumpeta. Palagi itong magiging isang kautusan para sa inyo sa kabuuan ng salinlahi ng inyong mga tao. 9 Kapag pumunta kayo sa digmaan sa inyong lupain laban sa isang kaaway na nagmamalupit sa inyo, dapat kayong magpatunog ng isang hudyat gamit ang mga trumpeta. Ako, si Yahweh, ang inyong Diyos, aalalahanin ko kayo at ililigtas mula sa inyong mga kaaway. 10 Gayundin, sa oras ng pagdiriwang, kapwa ang inyong karaniwang mga pagdiriwang at sa simula ng mga buwan, dapat hipan ninyo ang mga trumpeta sa karangalan ng inyong mga alay na susunugin at sa mga alay para sa inyong handog para sa pagtitipon-tipon. Magsisilbi itong alaala ninyo sa akin, na inyong Diyos. Ako si Yahweh, na inyong Diyos." 11 Sa ikalawang taon, sa ikalawang buwan, sa ikadalawampung araw ng buwan, ang ulap ay tumaas mula sa tabernakulo ng toldang tipanan. 12 Patuloy ang mga tao ng Israel sa kanilang paglalakbay mula sa ilang ng Sinai. Huminto ang ulap sa ilang ng Paran. 13 Nagawa nila ang kanilang unang paglalakbay, sinusunod nila ang utos ni Yahweh na kaniyang ibinigay sa pamagitan ni Moises. 14 Ang kampong nasa ilalim ng bandila ng mga kaapu-apuhan ni Juda ang unang lumabas, inilabas nila ang kani-kanilang mga hukbo. Si Naason na anak ni Aminadab ang nanguna sa hukbo ni Juda. 15 Si Nathanel na anak ni Zuar ang nanguna sa hukbo ng tribu ng mga kaapu-apuhan ni Isacar. 16 Si Eliab na anak ni Helon ang nanguna sa hukbo ng tribui ng mga kaapu-apuhan ni Zebulun. 17 Ang mga kaapu-apuhan nina Gerson at Merari, na siyang nangalaga sa tabernakulo, ang kumuha sa tabernakulo at inihanda para sa kanilang paglalakbay. 18 Sumunod, ang mga hukbo na nasa ilalim ng bandila ng kampo ni Ruben ang humayo sa kanilang paglalabay. Si Elizur na anak ni Seduer ang nanguna sa hukbo ni Ruben. 19 Si Selumiel na anak ni Zurisaddai ang nanguna sa hukbo ng tribu ng mga kaapu-apuhan ni Simeon. 20 Si Eliasaf na anak ni Deuel ang nanguna sa hukbo ng tribu ng mga kaapu-apuhan ni Gad. 21 Humayo ang mga tribu ni Kohatita. Dinala nila ang kagamitan ng banal na santuwaryo. Nagtayo ang iba ng kanilang tabernakulo bago dumating ang mga Kohatita sa kasunod na kampo. 22 Ang mga hukbo na nasa ilalim ng bandila ng mga kaapu-apuhan ni Efraim ang sumunod na humayo. Si Elisama na lalaking anak ni Ammiud ang nanguna sa hukbo ni Efraim. 23 Si Gamaliel na lalaking anak ni Pedasur ang nanguna sa hukbo ng tribu ng mga kaapu-apuhan ni Manases. 24 Si Abidan na lalaking anak ni Gideon ang nanguna sa hukbo ng tribu ng mga kaapu-apuhan ni Benjamin. 25 Ang mga hukbong nagkampo sa ilalim ng bandila ng kaapu-apuhan ni Dan ang huling lumabas. Si Ahieser na lalaking anak ni Amisaddai ang nanguna sa hukbo ni Dan. 26 Si Pagiel na lalaking anak ni Okran ang nanguna sa hukbo ng tribu ng mga kaapu-apuhan ni Aser. 27 Si Ahira na lalaking anak ni Enan ang nanguna sa hukbo ng tribu ng mga kaapu-apuhan ni Neftali. 28 Ito ang paraan ng mga hukbo ng mga tao ng Israel sa paghayo sa kanilang paglalakbay. 29 Nagsalita si Moises kay Hobab na lalaking anak ni Ruel na Medianita. Si Ruel ay ama ng asawa ni Moises. Nagsalita si Moises kay Hobab at sinabi, "Maglalakbay kami sa isang lugar na inilarawan ni Yahweh. Sinabi ni Yahweh, 'Ibibigay ko ito sa inyo.' Sumama ka sa amin at gagawan ka namin ng mabuti. Ipinangako ni Yahweh na gagawa siya ng mabuti sa Israel." 30 Ngunit sinabi ni Hobab kay Moises, "Hindi ako sasama sa inyo. Pupunta ako sa aking sariling lupain at sa aking sariling mga tao." 31 At sumagot si Moises, "Pakiusap, huwag mo kaming iwan. Alam mo kung paano magkampo sa ilang. Dapat bantayan mo kami. 32 Kung sasama ka sa amin, gagawin namin sa iyo ang parehong kabutihang ginawa ni Yahweh sa amin." 33 Naglakbay sila sa loob ng tatlong araw mula sa bundok ni Yahweh. Nauna sa kanila ang kaban ng tipan ni Yahweh nang tatlong araw upang maghanap ng lugar na maaari nilang mapagpahingahan. 34 Nasa itaas nila ang ulap ni Yahweh sa araw habang naglalakbay sila. 35 Sa tuwing ilalabas ang kaban, sasabihin ni Moises, "Tumindig ka, Yahweh. Ikalat mo ang iyong mga kaaway. Palayasin mo ang mga taong napopoot sa iyo." 36 Sa tuwing hihinto ang kaban, sasabihin ni Moises, "Bumalik ka, Yahweh, sa libu-libong Israelita."

Chapter 11

1 Ngayon nagreklamo ang mga tao tungkol sa kanilang mga kabalisahan habang nakikinig si Yahweh. Narinig ni Yahweh ang mga tao at nagalit. Nagliyab sa kanila ang apoy na mula kay Yahweh at tinupok ang ilang bahagi ng kampo sa mga gilid nito. 2 Pagkatapos tumawag ang mga tao kay Moises, kaya nanalangin si Moises kay Yahweh, at huminto ang apoy. 3 Pinangalanan ang lugar na iyon na Tabera, sapagkat nagliyab ang apoy ni Yahweh sa kanila. 4 Ilang dayuhan ang nagsimulang magkampo kasama ang mga kaapu-apuhan ng Israel. Gusto nilang kumain ng masasarap na pagkain. Pagkatapos nagsimulang umiyak ang mga tao ng Israel at sinabi, "Sino ang magbibigay sa atin ng karne na kakainin? 5 Naaalala namin ang isda na kinain namin nang libre sa Ehipto, ang mga pipino, mga pakwan, mga dahon ng sibuyas o lasuna, ang mga sibuyas, at bawang. 6 Ngayon nanghihina kami. Wala kaming makitang makakain kundi manna." 7 Ang manna ay kahalintulad ng buto ng kulantro. Ito ay parang dagta. 8 Ang mga tao ay naglalakad sa paligid at tinitipon ito. Ginigiling nila ito sa mga gilingan, binabayo ito sa mga bayuhan, pinakukuluan ito sa mga palayok, at ginagawang keyk. Ang lasa nito ay parang sariwang langis ng olibo. 9 Kapag bumaba ang hamog sa kampo sa gabi, bumabagsak din ang manna. 10 Narinig ni Moises ang iyakan ng mga tao sa kanilang mga pamilya, at ang bawat lalaki ay naroon sa pasukan sa kaniyang tolda. Labis na nagalit si Yahweh, at sa mga mata ni Moises ang pagrereklamo nila ay mali. 11 Sinabi ni Moises kay Yahweh, "Bakit mo pinakitunguhan ang iyong lingkod ng masama? Bakit hindi ka nasisiyahan sa akin? Ipinapasan mo sa akin ang pasanin ng lahat ng taong ito. Ipinagbuntis ko ba ang lahat ng mga taong ito? 12 Ako ba ang nagsilang sa kanila upang sabihin mo sa akin, 'Dalhin mo sila sa iyong kandungan tulad ng pagdadala ng isang ama sa isang sanggol?' Kailangan ko ba silang dalhin sa lupain na iyong ipinangako sa kanilang mga ninuno upang ibigay sa kanila? 13 Saan ako makakahanap ng karne na ibibigay ko sa lahat ng taong ito? Umiiyak sila sa aking harapan at sinasabin, 'Bigyan mo kami ng karneng kakainin.' 14 Hindi ko na madalang mag-isa ang mga taong ito. Sobra na sila para sa akin. 15 Yamang pinakikitunguhan mo ako sa ganitong paraan, patayin mo na ako ngayon, kung mabait ka sa akin, at alisin ang aking paghihirap." 16 Sinabi ni Yahweh kay Moises, "Dalhin mo sa akin ang pitumpung nakakatanda ng Israel. Tiyaking sila ang mga nakakatanda at mga opisyal ng mga tao. Dalhin mo sila sa tolda ng pagpupulong upang tumayo roong kasama mo. 17 Bababa ako at kakausapin ko kayo roon. Kukunin ko ang ilan sa Espiritu na nasa iyo at ilalagay ko ito sa kanila. Dadalhin nila ang pagpapahirap ng mga tao kasama mo. Hindi mo na dadalhin itong mag-isa. 18 Sabihin mo sa mga tao, 'Italaga ninyo ang inyong mga sarili kay Yahweh bukas. Tunay na kakakain kayo ng karne, sapagkat umiyak kayo sa pandinig ni Yahweh. Sinabi ninyo, "Sino ang magbibigay sa atin ng karne upang ating kainin? Naging mabuti ito para sa atin sa Ehipto." Kaya bibigyan kayo ni Yahweh ng karne, at kakainin ninyo ito. 19 Hindi lamang kayo kakain ng karne sa loob ng isang araw, sa dalawang araw, sa limang araw, sa sampung araw, o sa dalawampung araw, 20 ngunit kakain kayo ng karne sa loob ng buong isang buwan hanggang sa ito ay lumabas sa inyong mga ilong. Ito ang magpapadiri sa inyo dahil itinakwil ninyo si Yahweh, na siyang kasama ninyo. Umiyak kayo sa kaniyang harapan. Sinabi ninyo, "Bakit pa natin iniwan ang Ehipto?'''''' 21 Pagkatapos sinabi ni Moises, "Kasama ko ang 600, 000 na katao, at sinabi mo, 'Bibigyan ko sila ng karne sa loob ng isang buong buwan.' 22 Papatay ba kami ng kawan ng mga tupa at kawan ng mga baka upang magkasya sa kanila? Huhulihin ba namin ang lahat ng isda sa karagatan upang magkasya sa kanila?'' 23 Sinabi ni Yahweh kay Moises, "Maiksi ba ang kamay ko? Ngayon makikita mo kung totoo ang aking salita.'' 24 Lumabas si Moises sa tolda at sinabi niya sa mga tao ang mga salita ni Yahweh. Tinipon niya ang pitumpu sa mga nakakatanda ng mga tao at pumalibot sila sa tolda. 25 Bumaba si Yahweh sa ulap at nagsalita kay Moises. Kinuha ni Yahweh ang ilan sa Espiritu na naroon kay Moises at nilagay ito sa pitumpung nakakatanda. Nang tumahan ang Espiritu sa kanila, nagpahayag sila, ngunit sa pagkakataong iyon lamang at hindi na naulit pa. 26 Dalawang lalaking nagngangalang Eldab at Medad ang naiwan sa kampo. Tumahan din sa kanila ang Espiritu. Nakasulat ang kanilang pangalan sa listahan, ngunit hindi sila lumabas sa tolda. Gayon pa man, nagpahayag sila sa kampo. 27 Isang binatang nasa kampo ang tumakbo at sinabi kay Moises, "Sina Eldad at Medad ay nagpapahayag sa kampo." 28 Si Josue na lalaking anak ni Nun, ang tagapangasiwa ni Moises, ang isa sa mga lalaking pinili ang nagsabi kay Moises, "Aking among Moises, pigilan mo sila." 29 Sinabi ni Moises sa kaniya, "Naninibugho ka ba para sa kapakanan ko? Nais kong lahat ng tao ni Yahweh ay mga propeta at ilagay niya ang kaniyang Espiritu sa kanilang lahat!'' 30 At bumalik sa kampo si Moises at ang mga nakakatanda ng Israel. 31 Pagkatapos, isang hangin ang dumating mula kay Yahweh at nagdala ng pugo mula sa dagat. Bumagsak ang mga ito malapit sa kampo, na may isang araw na paglalakbay sa isang dako at isang araw na paglalakbay sa kabilang dako. Pumalibot ang mga pugo sa kampo na may dalawang siko ang taas mula sa lupa. 32 Ang mga tao ay abala sa paghuhuli sa mga pugo ng buong araw, buong gabi, at sa sumunod na araw. Walang nanghuli ng mas kaunti sa sampung homer ng pugo. Ibinahagi nila ang mga pugo sa buong kampo. 33 Habang nasa pagitan pa ng kanilang ngipin ang karne, habang nginunguya nila ito, nagalit si Yahweh sa kanila. Pinadalhan niya ang mga tao ng isang napakatinding sakit. 34 Pinangalanan ang lugar na iyon na Kibrot-hataava dahil doon nila inilibing ang mga taong nanabik sa karne. 35 Mula sa Kibrot-hataava, naglakbay ang mga tao patungong Hazerot, kung saan sila nanatili.

Chapter 12

1 Pagkatapos, nagsalita sina Miriam at Aaron laban kay Moises dahil sa isang babaeng taga-Cus na napangasawa niya. 2 Sinabi nila, "Kay Moises lamang ba nagsalita si Yahweh? Hindi rin ba siya nagsalita sa amin?" Ngayon narinig ni Yahweh kung ano ang kanilang sinabi. 3 Ngayon ang lalaking si Moises ay lubos na mapagpakumbaba, higit pa sa sinuman sa mundo. 4 Agad-agad nagsalita si Yahweh kay Moises, Aaron at Miriam: "Lumabas kayong tatlo, sa tolda ng pagpupulong." Kaya lumabas silang tatlo. 5 Pagkatapos, bumaba si Yahweh sa isang haligi ng ulap. Tumayo siya sa pasukan ng tolda at tinawag sina Aaron at Miriam. Kapwa sila lumapit. 6 Sinabi ni Yahweh, "Ngayon makinig kayo sa aking mga salita. Kapag kasama ninyo ang aking propeta, inihahayag ko ang aking sarili sa kaniya sa mga pangitain at nagsasalita ako sa kaniya sa mga panaginip. 7 Hindi ganyan ang aking lingkod na si Moises. Matapat siya sa lahat ng aking sambahayan. 8 Tuwiran akong nagsasalita kay Moises, hindi sa pamamagitan ng mga pangitain o mga bugtong. Nakikita niya ang aking anyo. Kaya bakit hindi kayo takot na magsalita laban sa aking lingkod, laban kay Moises?" 9 Nag-alab ang galit ni Yahweh laban sa kanila at iniwan niya sila. 10 Pumaitaas ang ulap mula sa ibabaw ng tolda, at biglang naging ketongin si Miriam—pumuti siya kagaya ng niyebe. Nang lumingon si Aaron kay Miriam, nakita niya na nagkaroon siya ng ketong. 11 Sinabi ni Aaron kay Moises, "Oh aking panginoon, pakiusap, huwag mong ipataw ang kasalanang ito laban sa amin. Nagsalita kami nang may kahangalan, at nagkasala kami. 12 Pakiusap huwag siyang hayaang matulad sa isang patay na bagong silang na naubos ang kalahati ng laman nang lumabas mula sa sinapupunan ng kaniyang ina." 13 Kaya tumawag si Moises kay Yahweh. Sinabi niya, "Pakiusap pagalingin mo siya, oh Diyos, pakiusap." 14 Sinabi ni Yahweh kay Moises, "Kung duraan ng kaniyang ama ang kaniyang mukha, mapapahiya siya sa loob ng pitong araw. Huwag ninyo siyang papasukin sa kampo sa loob ng pitong araw. Pagkatapos nito, papasukin siyang muli." 15 Kaya pinanatili si Miriam sa labas ng kampo sa loob ng pitong araw. Hindi naglakbay ang mga tao hanggang sa makabalik siya sa kampo. 16 Pagkatapos nito, naglakbay ang mga tao mula Hazerot at nagkampo sa ilang ng Paran.

Chapter 13

1 Pagkatapos, nagsalita si Yahweh kay Moises. Sinabi niya, 2 "Magpadala ka ng ilang kalalakihan upang suriin ang lupain ng Canaan na aking ibinigay sa mga tao ng Israel. Magpadala ka ng isang lalaki mula sa bawat tribu ng kanilang mga ninuno. Dapat pinuno ang bawat lalaki sa kanilang mga grupo." 3 Ipinadala sila ni Moises mula sa ilang ng Paran, upang masunod nila ang utos ni Yahweh. Lahat sila ay mga pinuno sa mga tao ng Israel. 4 Ito ang kanilang mga pangalan: mula sa tribu ni Ruben, Sammua na lalaking anak ni Zaccur. 5 Mula sa tribu ni Simeon, si Safat na lalaking anak ni Hori. 6 Mula sa tribu ni Juda, si Caleb na lalaking anak ni Jefune. 7 Mula sa tribu ni Isacar, si Igal na lalaking anak ni Jose. 8 Mula sa tribu ni Efraim, si Hosea na lalaking anak ni Nun. 9 Mula sa tribu ni Benjamin, si Palti na lalaking anak ni Rafu. 10 Mula sa tribu ni Zebulon, Gadiel na lalaking anak ni Sodi. 11 Mula sa mga kaapu-apuhan ni Jose na nagngangalang: Gaddi na anak ni Susi mula sa tribu ni Manases, 12 Mula sa tribu ni Dan, si Ammiel na lalaking anak ni Gemalli. 13 Mula sa tribu ni Aser, si Setur na lalaking anak ni Micael. 14 Mula sa tribu ni Neftali, si Nahabi na lalaking anak ni Vapsi. 15 Mula sa tribu ni Gad, si Geuel na lalaking anak ni Maki. 16 Ito ang mga pangalan ng mga lalaking ipinadala ni Moises upang suriin ang lupain. Tinawag ni Moises si Hosea na lalaking anak ni Nun sa pangalang Josue. 17 Ipinadala sila ni Moises upang suriin ang lupain ng Canaan. Sinabi niya sa kanila, "Pumunta kayo sa Negev at umakyat kayo sa maburol na lugar. 18 Suriin ninyo ang lupain upang makita kung ano ang katulad nito. Matiyagan ninyo ang mga taong nakatira roon, kung malakas o mahihina sila, at kung kaunti o marami sila. 19 Tingnan kung anong uri ng lupain ang kanilang tinitirhan. Ito ba ay maganda o hindi? Anong klase ng mga lungsod ang naroon? Tulad ba ito ng mga kampo o ang mga ito ba ay pinatibay na lungsod? 20 Tingnan kung anong uri ng lupa, kung ito ba ay mainam para sa pagpapalago ng pananim o hindi, at kung may mga puno roon o wala. Maging matapang at mag-uwi kayo ng mga bunga ng lupa." Ngayon ay panahon para sa mga unang hinog na ubas. 21 Kaya umakyat ang mga kalalakihan at sinuri ang lupain mula sa ilang ng Sin hanggang Rehob, malapit sa Lebo Hamat. 22 Umakyat sila mula sa Negev at dumating sa Hebron. Naroon ang mga Ahiman, Sesai, at Talmai, mga angkan na nagmula kay Anak. Ngayon, ang Hebron ay itinayo, pitong taon na bago ang Zoan sa Ehipto. 23 Nang dumating sila sa lambak ng Escol, pumutol sila ng isang sangang may kumpol ng ubas. Pinasan nila ito sa isang tungkod sa pagitan ng dalawa sa kanilang pangkat. Nagdala rin sila ng mga bunga ng granada at igos. 24 Pinangalanan ang lugar na iyon na lambak ng Escol, dahil sa kumpol ng ubas na pinutol ng mga Israelita doon. 25 Bumalik sila pagkalipas ng apatnapung araw mula sa pagsusuri sa lupain. 26 Bumalik sila kina Moises, Aaron at sa buong sambayanan ng Israel sa ilang ng Paran sa Kades. Nagdala sila ng ulat sa kanila at sa buong sambayanan, at ipinakita sa kanila ang bunga na nagmula sa lupain. 27 Sinabi nila kay Moises, "Narating namin ang lupain kung saan mo kami ipinadala. Tunay na dinadaluyan ito ng gatas at pulot-pukyutan. Narito ang ilan sa mga bunga mula roon. 28 Gayunman, ang mga taong nagtayo ng kanilang tahanan doon ay malalakas. Pinatibay at napakalawak ng kanilang mga lungsod. Nakita rin namin doon ang mga kaapu-apuhan ni Anak. Nakatira ang mga Amalekita sa Negev. 29 Naroon ang mga tahanan ng mga Hiteo, Jebuseo, at mga Amoreo sa burol na lugar. Naninirahan ang mga Cananeo malapit sa dagat at sa tabi ng Ilog Jordan." 30 Sinubukan ni Caleb na palakasin ang loob ng mga taong nakapalibot kay Moises. Sinabi niya, "Lusubin natin nang minsanan at kunin ito, dahil kayang-kaya nating sakupin ito." 31 Ngunit sinabi ng ibang kalalakihang pumunta kasama niya, "Hindi natin kayang lusubin ang mga tao dahil mas malakas sila kaysa sa atin." 32 Kaya ikinalat nila ang nakakapanghina ng loob na ulat sa mga tao ng Israel tungkol sa lupain na kanilang sinuri. Sinabi nila, "Ang lupain na aming tiningnan ay isang lupaing umuubos ng mga mamamayan nito. Matatangkad ang lahat ng mga taong nakita namin doon. 33 Nakita namin doon ang mga higante, mga kaapu-apuhan ni Anak, mga taong nagmula sa mga higante. Para kaming mga tipaklong sa aming paningin kung ihambing sa kanila, at maaaring ganoon din kami sa kanilang paningin."

Chapter 14

1 Umiyak nang malakas ang sambayanan sa gabing iyon. 2 Pinuna ng lahat ng mga tao ng Israel sina Moises at Aaron. Sinabi ng buong sambayanan sa kanila, "Nais naming kami ay namatay na lang sa lupain ng Ehipto, o dito sa ilang! 3 Bakit tayo dinala ni Yahweh sa lupaing ito upang mamatay sa pamamagitan ng espada? Ang ating mga asawa at mga maliliit na anak ay magiging mga biktima. Hindi ba mas mabuti para sa atin na bumalik sa Ehipto?" 4 Sinabi nila sa bawat isa, "Pumili tayo ng isa pang pinuno at bumalik tayo sa Ehipto." 5 At nagpatirapa sina Moises at Aaron sa harapan ng buong kapulungan ng sambayanan ng mga tao ng Israel. 6 Si Josue na anak na lalaki ni Nun at si Caleb na anak na lalaki ni Jefune ay pinunit ang kanilang mga damit, ang ilan sa mga ipinadala upang suriin ang lupain. 7 Nagsalita sila sa buong sambayanan ng mga tao ng Israel. Sinabi nila, "Isang napakabuting lupain ang aming dinaanan at siniyasat. 8 Kung nalulugod si Yahweh sa atin, sa gayon dadalhin niya tayo sa lupaing ito at ibibigay ito sa atin. Dinadaluyan ang lupain ng gatas at pulot-pukyutan. 9 Ngunit huwag kayong maghimagsik laban kay Yahweh at huwag kayong matakot sa mga tao ng lupain. Uubusin natin sila na kasindali ng pagkain. Maaalis mula sa kanila ang kanilang pananggalang, dahil kasama natin si Yahweh. Huwag ninyo silang katakutan." 10 Ngunit tinangka ng buong sambayanan na pagbabatuhin sila hanggang mamatay. Pagkatapos, lumitaw ang kaluwalhatian ni Yahweh sa tolda ng pagpupulong sa lahat ng mga tao ng Israel. 11 Sinabi ni Yahweh kay Moises, "Hanggang kailan ba ako kamumuhian ng mga taong ito? Hanggang kailan sila mabibigong magtiwala sa akin, sa kabila ng lahat ng palatandaan ng aking kapangyarihan na aking ginawa sa kanila? 12 Lulusubin ko sila ng salot, hindi ko sila pamamanahan at gagawa ako mula sa iyong angkan ng isang bansa na magiging higit na dakila at mas malakas kaysa sa kanila." 13 Sinabi ni Moises kay Yahweh, "Kung gagawin mo ito, maririnig ng mga taga-Ehipto ang tungkol dito, dahil sinagip mo ang mga tao mula sa kanila sa pamamagitan ng iyong kapangyarihan. 14 Sasabihin nila ito sa mga naninirahan sa lupain. Maririnig nila na ikaw, Yahweh ay kapiling ng mga taong ito, dahil nakita ka nila nang harapan. Nasa itaas ng iyong mga tao ang iyong ulap. Pinangungunahan mo sila sa isang haligi ng ulap sa araw at isang haligi ng apoy sa gabi. 15 Ngayon, kung papatayin mo ang mga taong ito gaya ng isang tao, ang mga bansang nakarinig sa iyong katanyagan ay magsasalita at sasabihin, 16 'Dahil hindi magawang dalhin ni Yahweh ang mga taong ito sa lupaing kaniyang ipinangakong ibigay sa kanila, pinatay niya sila sa ilang.' 17 Ngayon, nagmamakaawa ako sa iyo, gamitin mo ang iyong dakilang kapangyarihan. Sapagkat sinabi mo, 18 banayad si Yahweh kung magalit at sagana sa tipan ng katapatan. Pinapatawad niya ang kasamaan at pagsuway. Hindi siya magpapawalang sala kapag dadalhin niya ang parusa ng kasalanan ng mga ninuno sa kanilang mga kaapu-apuhan, hanggang sa ikatlo at ikaapat na salinlahi.' 19 Patawad, nakikiusap ako sa iyo, itong kasalanan ng mga tao dahil sa kadakilaan ng iyong tipan ng katapatan, tulad ng palagi mong pagpapatawad sa mga taong ito mula sa panahong nasa Ehipto sila hanggang ngayon." 20 Sinabi ni Yahweh, "Pinatawad ko na sila ayon sa iyong kahilingan, 21 ngunit totoo, habang nabubuhay ako at habang napupuno ang buong mundo ng aking kaluwalhatian, 22 lahat ng mga taong iyon na nakakita ng aking kaluwalhatian at sa mga palatandaan ng aking kapangyarihang ginawa ko sa Ehipto at sa ilang—tinutukso pa rin nila ako ng sampung beses at hindi nakinig sa aking tinig. 23 Kaya sinabi kong tiyak na hindi nila makikita ang lupaing aking ipinangako sa kanilang mga ninuno. Wala ni isa sa kanilang namuhi sa akin ang makakakita nito, 24 maliban kay Caleb na aking lingkod, dahil mayroon siyang ibang espiritu. Sinunod niya ako ng ganap; Dadalhin ko siya sa lupaing kaniyang pinuntahan upang suriin. Aangkinin ito ng kaniyang mga kaapu-apuhan. 25 (Ngayon nakatira ang mga Amalekita at mga Cananeo sa lambak.) Bukas lumiko kayo at pumunta sa ilang sa pamamagitan ng daan ng Dagat ng mga Tambo." 26 Nagsalita si Yahweh kay Moises at kay Aaron. Sinabi niya, 27 "Hanggang kailan ko ba dapat tiisin itong masamang sambayanang bumabatikos sa akin? Narinig ko ang mga pagrereklamo ng mga tao ng Israel laban sa akin. 28 Sabihin mo sa kanila, 'Dahil ako ay buhay,' sinabi ni Yahweh, 'ayon sa sinabi mo sa aking pandinig, gagawin ko ito sa inyo: 29 Babagsak ang inyong mga patay na katawan sa ilang na ito, lahat kayong nagreklamo laban sa akin, kayong nabilang na sa sensus, ang kabuoang bilang ng mga tao mula sa dalawampung taon pataas. 30 Tiyak na hindi kayo makakapunta sa lupaing aking ipinangako upang gawin ninyong tahanan, maliban kay Caleb na lalaking anak ni Jefune at Josue na lalaking anak ni Nun. 31 Ngunit ang inyong mga maliliit na anak na sinasabi ninyong magiging mga biktima, dadalhin ko sila sa lupain. Mararanasan nila ang lupaing inyong tinanggihan! 32 At para sa inyo, babagsak sa ilang na ito ang mga patay ninyong katawan. 33 Magiging pagala-gala ang inyong mga anak sa ilang sa loob ng apatnapung taon. Dapat nilang dalhin ang bunga ng inyong paghihimagsik hanggang sa patayin ng ilang ang inyong mga katawan. 34 Tulad ng bilang ng mga araw na sinuri ninyo ang lupain—apatnapung araw, dapat din ninyong dalhin ang bunga ng inyong mga kasalanan sa loob ng apatnapung taon—isang taon sa bawat araw at dapat ninyong malaman kung ano ang katulad ng maging aking kaaway. 35 Akong, si Yahweh, ang nagsalita. Tiyak na gagawin ko ito sa buong masamang sambayanang ito na nagtipun-tipon laban sa akin. Mauubos sila sa ilang na ito. Dito sila mamamatay.'" 36-37 Kaya namatay lahat ng lalaking ipinadala ni Moises upang tingnan ang lupain sa pamamagitan ng salot sa harapan ni Yahweh. Ito ang mga lalaking bumalik at nagdala ng isang masamang ulat tungkol sa lupain. Sila ang nagdulot sa buong sambayanan na magreklamo laban kay Moises. 38 Mula sa mga lalaking pumunta upang tingnan ang lupain, tanging si Josue na anak na lalaki ni Nun at si Caleb na anak na lalaki ni Jefune ang natirang buhay. 39 Nang iulat ni Moises ang mga salitang ito sa lahat ng tao ng Israel, nagluksa sila ng napakatindi. 40 Bumangon sila nang maaga at pumunta sa tuktok ng bundok at sinabi, "Tingnan mo, narito kami at pupunta kami sa lugar na ipinangako ni Yahweh, sapagkat nagkasala kami." 41 Ngunit sinabi ni Moises, "Bakit sinusuway ninyo ngayon ang utos ni Yahweh? Hindi kayo magtatagumpay. 42 Huwag kayong umalis, dahil hindi ninyo kasama si Yahweh upang pigilan kayo mula sa pagkakatalo sa pamamagitan ng inyong mga kaaway. 43 Nandoon ang mga Amalekita at mga Cananeo at mamamatay kayo sa pamamagitan ng espada dahil tumalikod kayo mula sa pagsunod kay Yahweh. Kaya hindi niya kayo sasamahan." 44 Ngunit nagpumilit silang umakyat sa maburol na lugar; gayunpaman, hindi umalis si Moises ni ang kaban ng tipan ni Yahweh mula sa kampo. 45 Bumaba ang mga Amalekita at gayundin ang mga Cananeo na nakatira sa mga burol na iyon. Nilusob nila ang mga Israelita at tinalo silang lahat hanggang sa daan patungo ng Horma.

Chapter 15

1 Pagkatapos, nagsalita si Yahweh kay Moises. Sinabi niya, 2 "Magsalita ka sa mga tao ng Israel at sabihin mo sa kanila, 'Kapag pumasok kayo sa lupain kung saan kayo maninirahan, na ibibigay ni Yahweh sa inyo— 3 at kapag maghandog kayo ng isang handog sa pamamagitan ng apoy para sa kaniya—maging isang alay na susunugin, o isang alay para sa isang panata o isang kusang handog, o isang handog sa inyong mga pagdiriwang, upang magdulot ng isang mabangong halimuyak para kay Yahweh mula sa kawan o pangkat ng hayop— 4 dapat maghandog kay Yahweh ang isang taong nagdadala ng alay ng isang handog na butil ng ikasampu na epa ng pinong harinang hinaluan ng ikaapat na hin ng langis. 5 Dapat din kayong maghanda ng ikaapat na hin ng alak bilang inuming handog. Gawin ninyo ito kasama ang alay na susunugin o kasama ang alay ng bawat batang tupa. 6 Kung maghahandog kayo ng isang lalaking tupa, dapat kayong maghanda ng isang handog na butil ng dalawang ikasampu ng isang epa ng pinong harinang hinaluan ng ikatatlo ng isang hin ng langis bilang handog. 7 Para sa inuming handog, dapat kayong maghandog ng ikatlo ng isang hin ng alak. Magdudulot ito ng isang mabangong halimuyak para kay Yahweh. 8 Kapag maghanda kayo ng isang toro bilang alay na susunugin o bilang isang alay upang tuparin ang isang panata, o alay para sa pagtitipon-tipon kay Yahweh, 9 sa gayon dapat kayong maghandog kasama ng toro ang isang handog na butil ng tatlong ikasampu ng isang epa ng pinong harinang hinaluan ng kalahating hin ng langis. 10 Dapat kayong maghandog bilang inuming handog ng kalahating hin ng alak, bilang isang handog na pinaraan sa apoy, upang magdulot ng mabangong halimuyak para kay Yahweh. 11 Dapat mangyari ito sa ganitong paraan para sa bawat toro, para sa bawat lalaking tupa, at para sa bawat lalaking batang mga tupa o mga batang kambing. 12 Ang bawat alay na inyong ihahanda at ihahandog ay dapat ninyong gawin ayon sa inilarawan dito. 13 Dapat gawin ng lahat ng katutubong Israelita ang mga bagay na ito sa ganitong paraan, kapag nagdadala ang sinuman ng isang handog na pinaraan sa apoy, upang magdulot ng mabangong halimuyak na kalugud-lugod kay Yahweh. 14 Kung naninirahan ang isang dayuhan kasama ninyo, o sinumang nakikitira sa inyo sa buong salinlahi ng inyong mga tao, dapat siyang maghandog ng isang handog na pinaraan sa apoy, upang magdulot ng isang mabangong halimuyak para kay Yahweh. Dapat siyang kumilos gaya ng inyong pagkilos. 15 Dapat may parehong batas lamang para sa sambayanan at para sa dayuhang nakikitira sa inyo, isang palagiang batas sa buong salinlahi ng inyong mga tao. Kung ano kayo, gayundin dapat ang mga manlalakbay na naninirahan kasama ninyo. Dapat siyang kumilos gaya ng inyong pagkilos sa harapan ni Yahweh. 16 Ang parehong batas at kautusan ang dapat masunod sa inyo at sa mga dayuhang naninirahang kasama ninyo."' 17 Muling nagsalita si Yahweh kay Moises. Sinabi niya, 18 "Magsalita ka sa mga tao ng Israel at sabihin mo sa kanila, 'Kapag dumating kayo sa lupain kung saan ko kayo dadalhin, 19 kapag kakainin ninyo ang pagkaing nagmula sa lupain, dapat kayong maghandog ng isang handog at idulog ito sa akin. 20 Mula sa una ng inyong masang harina, dapat kayong maghandog ng isang tinapay upang itaas ito bilang isang itinaas na handog mula sa giikang palapag. Dapat ninyong itaas ito sa ganitong paraan. 21 Dapat kayong magbigay sa akin ng isang itinaas na handog sa buong salinlahi ng inyong mga tao mula sa una ng inyong masang harina. 22 Minsan magkakasala kayo nang hindi sinasadya, kapag hindi ninyo sinunod ang lahat ng utos na ito na sinabi ko kay Moises— 23 lahat ng bagay na inutos ko sa inyo sa pamamagitan ni Moises mula sa araw na sinimulan kong bigyan kayo ng mga utos at hanggang sa buong salinlahi ng inyong mga tao. 24 Patungkol sa hindi sinasadyang kasalanan na hindi alam ng buong sambayanan, dapat maghandog ang buong sambayanan ng isang batang toro bilang alay na susunugin upang magdulot ng isang mabangong halimuyak para kay Yahweh. Kalakip nito, dapat maghandog ng isang handog na butil at inuming handog, ayon sa iniutos ng batas, at isang lalaking kambing bilang isang handog para sa kasalanan. 25 Dapat gumawa ang pari ng pagbabayad ng kasalanan para sa lahat ng sambayanan ng Israel. Patatawarin sila dahil ang kasalanan ay isang pagkakamali. Dinala nila ang kanilang alay, ang isang handog para sa akin na pinaraan sa apoy. Dinala nila ang kanilang handog para sa kasalanan sa aking harapan para sa kanilang pagkakamali. 26 At patatawarin ang lahat ng sambayanan ng Israel, at ang mga dayuhang naninirahan kasama nila, dahil nagkasala ang lahat ng tao nang hindi sinasadya. 27 Kung nagkakasala ang isang tao nang hindi sinasadya, dapat siyang maghandog ng isang babaeng kambing na isang taong gulang bilang handog para sa kaniyang kasalanan. 28 Dapat maghandog ang pari ng pambayad ng kasalanan sa harapan ni Yahweh para sa taong nagkasala nang hindi sinasadya. Patatawarin ang taong iyon kapag maghandog ng pambayad ng kasalanan. 29 Dapat magkaroon kayo ng parehong batas para sa isang nakagawa ng anumang bagay nang hindi sinasadya, ang parehong batas para sa taong katutubo sa mga tao ng Israel at para sa mga dayuhang naninirahan sa kanila. 30 Ngunit ang taong nakagawa ng anumang bagay sa pagsuway, maging katutubo siya o isang dayuhan, nilalapastangan niya ako. Dapat itiwalag ang taong iyon mula sa kaniyang mga tao.. 31 Dahil sinuway niya ang aking salita at nilabag ang aking utos, dapat itiwalag nang ganap ang taong iyon. Nasa kaniya ang kasalanan." 32 Habang nasa ilang ang mga tao ng Israel, nakasumpong sila ng isang lalaking namumulot ng kahoy sa araw ng Pamamahinga. 33 Dinala siya ng mga taong nakakita sa kaniya kina Moises, Aaron, at sa buong sambayanan. 34 Ibinilanggo nila siya dahil hindi pa naipahayag kung ano ang dapat gawin sa kaniya. 35 Pagkatapos, sinabi ni Yahweh kay Moises, "Dapat patayin ang lalaki. Dapat siyang batuhin ng buong sambayanan sa labas ng kampo." 36 Kaya dinala siya ng buong sambayanan sa labas ng kampo at pinagbababato siya hanggang mamatay gaya ng inutos ni Yahweh kay Moises. 37 Muling nagsalita si Yahweh kay Moises. Sinabi niya, 38 "Magsalita ka sa mga kaapu-apuhan ng Israel at utusan silang gumawa ng mga palawit para sa kanilang mga sarili upang isabit mula sa mga dulo ng kanilang mga damit, upang isabit ang mga ito mula sa bawat dulo sa pamamagitan ng isang taling asul. Dapat nilang gawin ito sa kabuuan ng salinlahi ng kanilang mga tao. 39 Magiging isang natatanging paalala ito sa inyo, kapag makita ninyo ito, sa lahat ng aking mga utos, upang tuparin ang mga ito para hindi ninyo sundin ang inyong sariling puso at sariling mga mata, na kung saan kumilos kayo dati tulad ng mga mangangalunya. 40 Gawin ninyo ito upang maisaisip ninyo at masunod ang lahat kong utos, at upang maaari kayong maging banal, inilaan para sa akin, ang inyong Diyos. 41 Ako si Yahweh ang inyong Diyos, na siyang naglabas sa inyo mula sa lupain ng Ehipto, upang maging Diyos ninyo. Ako si Yahweh ang inyong Diyos."

Chapter 16

1 Ngayon si Korah na anak na lalaki ni Izar na anak na lalaki ni Kohat na anak na lalaki ni Levi, kasama ni Datan at Abiram na mga anak na lalaki ni Eliab, at si On na anak na lalaki ni Pelet, ang mga kaapu-apuan ni Ruben ay tinipon ng ilang kalalakihan. 2 Tumindig sila laban kay Moises, kasama ng ibang kalalakihan mula sa mga tao ng Israel, dalawang daan at limampung pinuno ng sambayanan na mga tanyag na kasapi sa sambayanan. 3 Nagkatipon sila upang harapin sina Moises at Aaron. Sinabi nila sa kanila, "Kumukuha kayo nang labis para sa inyong mga sarili. Ang buong sambayanan ay banal, inilaan kay Yahweh, ang bawat isa sa kanila, at si Yahweh ay kasama nila. Bakit ninyo inaangat ang inyong mga sarili sa ibabaw ng natitirang sambayanan ni Yahweh?" 4 Nang marinig iyon ni Moises, nagpatirapa siya. 5 Nagsalita siya kay Korah at sa lahat ng kaniyang pangkat; sinabi niya, "Sa kinaumagahan, ipapakita ni Yahweh kung sino ang kaniya, at kung sino ang inilaan kay Yahweh. Dadalhin niya sa kaniya ang taong pipiliin niya. Dadalhin siya ni Yahweh sa kaniyang sarili. 6 Gawin ninyo ito, Korah at lahat ng iyong pangkat. Kumuha kayo ng mga insensaryo 7 bukas at lagyan ninyo ng apoy at insenso ang mga ito sa harap ni Yahweh. Ang taong pipiliin ni Yahweh, ang taong iyon ay ilalaan kay Yahweh. Malayo na ang inyong narating, kayong mga kaapu-apuan ni Levi." 8 Muli, sinabi ni Moises kay Korah, "Ngayon ay makinig kayo, kayong mga kaapu-apuan ni Levi: 9 ito ba ay isang maliit na bagay para sa inyo na inilaan kayo ng Diyos ng Israel mula sa sambayanan ng Israel, upang palapitin kayo sa kaniya, upang magtrabaho sa tabernakulo ni Yahweh, at upang tumayo sa harapan ng sambayanan para maglingkod sa kanila? 10 Dinala niya kayo ng malapitan, at lahat ng inyong mga kamag-anak, ang mga kaapu-apuan ni Levi ay kasama ninyo, ngunit ninanasa din ninyo ang pagkapari! 11 Iyon ang dahilan kung bakit ikaw at lahat ng iyong pangkat ay nagkatipon laban kay Yahweh. Kaya bakit kayo nagrereklamo tungkol kay Aaron, na sumusunod kay Yahweh?" 12 Pagkatapos ipinatawag ni Moises sina Datan at Abiram, ang mga anak na lalaki ni Eliab, subalit sinabi nila, "Hindi kami pupunta. 13 Ito ba ay isang maliit na bagay na dalhin mo kami sa isang lupain na dinadaluyan ng gatas at pulot-pukyutan, upang patayin kami sa ilang? Ngayon nais mong maging tagapangasiwa namin! 14 Bilang karagdagan, hindi mo kami dinala sa isang lupain na umaagos sa gatas at pulot-pukyutan, o binigyan ng mga bukid at mga ubasan bilang isang mana. Ngayon nais mo kaming bulagin sa pamamagitan ng mga walang lamang pangako? Hindi kami pupunta sa iyo." 15 Galit na galit si Moises at sinabi kay Yahweh, "Huwag mong galangin ang kanilang mga handog. Hindi ako kumuha ng isang asno mula sa kanila, at wala akong sinaktang sinuman sa kanila." 16 Pagkatapos, sinabi ni Moises kay Korah, "Bukas ikaw at lahat ng iyong kasamahan ay dapat pumunta sa harap ni Yahweh, ikaw, sila, at si Aaron. 17 Bawat isa sa inyo ay dapat dalhin niya ang kaniyang insensaryo at lagyan ito ng insenso. Pagkatapos, dapat dalhin ng bawat tao sa harap ni Yahweh ang kaniyang insensaryo, dalawang daan at limampung insensaryo. Kayo at si Aaron rin ay dapat ninyong dalhin ang inyong mga insensaryo." 18 Kaya kinuha ng bawat lalaki ang kaniyang insensaryo, nilagyan ito ng apoy, nilatagan ito ng insenso, at tumayo sa pasukan patungo sa tolda ng pagpupulong kasama ni Moises at Aaron. 19 Tinipon ni Korah ang buong sambayanan laban kina Moises at Aaron sa pasukan ng tolda ng pagpupulong, at nagpakita ang kaluwalhatian ni Yahweh sa buong sambayanan. 20 At nagsalita si Yahweh kay Moises at kay Aaron: 21 "Ihiwalay ninyo ang inyong mga sarili mula sa sambayanang ito upang lipulin ko sila agad-agad." 22 Nagpatirapa sila Moises at Aaron at sinabi, "Diyos, ang Diyos ng mga espiritu ng buong sangkatauhan, kung nagkakasala ang isang tao, dapat kabang magalit sa buong sambayanan?" 23 Sumagot si Yahweh kay Moises. Sinabi niya, 24 "Magsalita ka sa buong sambayanan. Sabihin mo, 'Umalis kayo mula sa mga tolda nila Korah, Datan, at Abiram.'" 25 Pagkatapos, bumangon si Moises at pumunta kina Datan at Abiram; sinundan siya ng mga nakakatanda ng Israel. 26 Nagsalita siya sa sambayanan at sinabi, "Ngayon iwanan ang mga tolda ng mga masamang lalaking ito at huwag humawak ng anumang bagay na nabibilang sa kanila, o malilipol kayo sa pamamagitan ng lahat ng kanilang kasalanan." 27 Kaya ang sambayanan sa magkabilaan ay iniwan ang mga tolda nina Korah, Datan, at Abiram. Lumabas sila Datan at Abiram at tumayo sa pasukan ng kanilang mga tolda, kasama ng kanilang mga asawa, mga anak, at kanilang mga maliliit. 28 At sinabi ni Moises, "Sa pamamagitan nito malalaman ninyong isinugo ako ni Yahweh upang gawin ang lahat ng mga gawaing ito, sapagkat hindi ko ginawa ang mga ito sa aking sariling pagsang-ayon. 29 Kung mamamatay ang mga lalaking ito nang karaniwang kamatayan gaya ng karaniwang nangyayari, kung gayon hindi ako isinugo ni Yahweh. 30 Ngunit kung gagawa si Yahweh ng isang butas sa lupa na lalamon sa kanila tulad ng isang malaking bibig, kasama ng kanilang mga pamilya, at kapag bababa sila ng buhay sa lugar ng mga patay ay dapat ninyong unawain na kinamuhian ng mga lalaking ito si Yahweh. 31 Pagkatapos sabihin ni Moises ang lahat ng salitang ito, bumukas ang lupang sa ilalim ng mga lalaking ito. 32 Ibinukas ng lupa ang bibig nito at nilamon sila, ang kanilang mga pamilya, at lahat ng mga taong nabibilang kay Korah, pati na rin ang kanilang mga ari-arian. 33 Sila at ang lahat sa kanilang mga pamilya ay pumunta ng buhay sa lugar ng mga patay. Nagsara ang lupa sa ibabaw nila, at sa pamamagitan nito nalipol sila sa kalagitnaan ng sambayanan. 34 Ang buong Israel na nakapalibot sa kanila ay tumakas mula sa kanilang hiyaw. Sinigaw nila, "Baka lamunin din tayo ng lupa!" 35 Pagkatapos kumislap ang apoy mula kay Yahweh at nilamon ang 250 kalalakihan na naghandog ng insenso. 36 Muling nagsalita si Yahweh kay Moises at sinabi, 37 "Magsalita ka kay Eleazar na anak na lalaki ni Aaron na pari at sabihan siya na kunin ang mga insensaryo mula sa mga nagbabagang tira, sapagkat ang mga insensaryo ay idinulog sa akin. Pagkatapos, kailangan nilang ikalat ang mga baga. 38 Kunin ang mga insensaryo sa mga namatay dahil sa kanilang mga kasalanan. Gawing minartilyong pingngan ang mga ito bilang isang takip sa ibabaw ng altar. Ang mga lalaking iyon ang naghandog ng mga ito sa harap ko, kaya naihandog sa akin ang mga ito. Magiging isang tanda ang mga ito ng aking presensya sa mga tao ng Israel." 39 Kinuha ni Eleazar na pari ang mga tansong insensaryo na ginamit ng mga lalaking nasunog, at ang mga ito ay minartilyo na maging isang takip para sa altar, 40 upang maging isang paalala sa mga tao ng Israel, na ang mga nagmula lamang kay Aaron ang maaaring pumuntang magsunog ng insenso sa harap ni Yahweh, para hindi sila magiging katulad ni Korah at ng kaniyang pangkat—gaya ng iniutos ni Yahweh sa pamamagitan ni Moises. 41 Ngunit sa sumunod na umaga ang lahat ng sambayanan ng mga tao ng Israel ay nagreklamo laban kina Moises at Aaron. Sinabi nila, "Pinatay ninyo ang mga tao ni Yahweh." 42 At nangyari, nang nagkatipon ang sambayanan laban kina Moises at Aaron, na tumingin sila sa tolda ng pagpupulong at, tingnan mo, tinatakpan ito ng ulap. Nagpakita ang kaluwalhatian ni Yahweh, 43 at pumunta sina Moises at Aaron sa harapan ng tolda ng pagpupulong. 44 Pagkatapos, nagsalita si Yahweh kay Moises. Sinabi niya, 45 "Lumayo ka mula sa harapan ng sambayanang ito upang malipol ko sila agad-agad." Pagkatapos nagpatirapa sina Moises at Aaron. 46 Sinabi ni Moises kay Aaron, "Kunin ninyo ang insensaryo, lagyan ito ng apoy mula sa altar, lagyan ito ng insenso, dalhin agad ito sa sambayanan, at gumawa ng pambayad ng kasalanan para sa kanila, dahil ang galit ay paparating mula kay Yahweh. Nagsimula na ang salot." 47 Kaya ginawa ni Aaron ang gaya ng sinabi ni Moises. Tumakbo siya papunta sa gitna ng sambayanan. Mabilis na nagsimulang kumalat ang salot sa mga tao, kaya inilagay niya ang insenso at gumawa ng pambayad ng kasalanan para sa mga tao. 48 Tumayo si Aaron sa pagitan ng mga patay at mga nabubuhay; sa pamamagitan nito natigil ang salot. 49 Yaong mga namatay sa pamamagitan ng salot ay 14, 700 ang bilang, bukod sa mga namatay dahil sa ginawa ni Korah. 50 Bumalik si Aaron kay Moises sa pasukan patungo sa tolda ng pagpupulong, at ang salot ay nagwakas.

Chapter 17

1 Nagsalita si Yahweh kay Moises. Sinabi niya, 2 "Magsalita ka sa mga tao ng Israel. Kumuha ka ng mga tungkod mula sa kanila, isa para sa bawat tribu ng mga ninuno. Kumuha ng labindalawang tungkod, isa mula sa bawat pinunong napili mula sa bawat tribu. Isulat mo ang pangalan ng bawat lalaki sa kaniyang tungkod. 3 Dapat mong isulat ang pangalan ni Aaron sa tungkod ni Levi. Kailangang may isang tungkod para sa bawat pinuno mula sa lipi ng kaniyang mga ninuno. 4 Dapat mong ilagay ang mga tungkod sa tolda ng pagpupulong sa harapan ng tipan ng mga kautusan, kung saan ako nakikipagkita sa iyo. 5 At mangyayaring ang tungkod ng taong aking pipiliin ay uusbong. Patitigilin ko ang mga reklamo ng mga tao ng Israel, mga sinasabi nila laban sa iyo." 6 Kaya nagsalita si Moises sa mga tao ng Israel. Lahat ng mga katutubong pinuno ay binigyan siya ng mga tungkod, isang tungkod mula sa bawat pinuno, na pinili mula sa bawat isa sa mga ninuno ng tribu, labindalawang tungkod lahat. Kasali na sa mga iyon ang tungkod ni Aaron. 7 Pagkatapos inilagak ni Moises ang mga tungkod sa harap ni Yahweh sa toldang tipanan. 8 Sa sumunod na araw, pumunta si Moises sa toldang tipanan at, pagmasdan, ang tungkod ni Aaron para sa mga tribu ni Levi ay umusbong. Tumubo ang mga usbong at naglabas ng mga bulaklak at hinog na almonte! 9 Inilabas ni Moises ang lahat ng mga tungkod mula sa harap ni Yahweh patungo sa lahat ng mga tao ng Israel. Hinanap ng bawat tao ang kaniyang tungkod at kinuha ito. 10 Sinabi ni Yawheh kay Moises, "Ilagay mo ang tungkod ni Aaron sa harapan ng mga toldang tipanan. Panatilihin mo ito bilang isang palatandaan ng kasalanan laban sa mga taong nag-aklas upang mawakasan mo ang mga reklamo laban sa akin, o sila ay mamamatay." 11 Ginawa ni Moises ang iniutos ni Yahweh sa kaniya. 12 Nagsalita ang mga tao ng Israel kay Moises at sinabi, "Mamamatay kami rito. Malilipol kaming lahat! 13 Mamamatay ang bawat isang umaakyat, na lumalapit sa tabernakulo ni Yahweh. Dapat ba kaming mamatay lahat?"

Chapter 18

1 Sinabi ni Yahweh kay Aaron, "Ikaw at ang iyong mga anak na lalaki, at ang mga angkan ng iyong mga ninuno ang may pananagutan sa lahat ng kasalanang kanilang nagawa laban sa santuwaryo. Ngunitt ikaw lamang at ang iyong mga anak na lalaking kasama mo ang may pananagutan sa lahat ng mga kasalanang nagawa ng sinuman sa pagkapari. 2 Para sa kapwa mo miyembro ng tribu ni Levi, tribu ng iyong ninuno, dapat mo silang isama upang makasali sila sa iyo at tulungan ka kapag naglilingkod ka at ng iyong mga anak na lalaki sa harap ng toldang tipanan. 3 Dapat silang maglingkod sa iyo at sa buong tolda. Gayunpaman, hindi sila dapat lumapit sa anumang bagay sa banal na lugar o may kaugnayan sa altar, o sila at ikaw rin ay mamamatay. 4 Dapat silang sumali sa inyo at pangalagaan ang tolda ng pagpupulong, sa lahat ng gawain na may kaugnayan sa tolda. Hindi dapat lumapit sa inyo ang isang dayuhan. 5 Dapat ninyong kunin ang tungkulin na ito nang sa gayon, hindi muling dumating ang aking galit sa mga tao ng Israel. 6 Tingnan ninyo, ako mismo ang pumili sa inyong kapwa miyembro ng mga Levita mula sa mga kaapu-apuhan ng Israel. Sila ay isang regalo sa inyo, ibinigay sa akin para gawin ang gawaing may kaugnayan para sa tolda ng pagpupulong. 7 Subalit ikaw lamang at ang iyong mga anak na lalaki ang maaaring gumanap ng pagkapari tungkol sa bawat bagay na may kaugnayan sa altar at sa bawat bagay na nasa loob ng kurtina. Ikaw mismo ang dapat gumawa sa mga tungkuling iyon. Ibinibigay ko sa iyo ang pagkapari bilang isang regalo. Bawat dayuhan na lalapit ay dapat malagay sa kamatayan." 8 Pagkatapos, sinabi ni Yahweh kay Aaron, "Tingnan mo, ibinigay ko sa iyo ang tungkulin sa pag-iingat ng mga handog na itinaas sa akin, at lahat ng mga banal na handog na ibinigay sa akin ng mga tao ng Israel. Ibinigay ko ang mga handog na ito sa iyo, at sa iyong mga anak na lalaki bilang iyong patuloy na bahagi. 9 Ang mga bagay na ito mula sa mga ganap na inialay na handog kay Yahweh, subalit ang hindi ganap na nasunog ay magiging sa iyo. Bawat alay na dinadala ng mga tao, kalakip ng bawat handog na butil, bawat handog para sa kasalanan, at bawat handog na pambayad para sa kasalanan—lahat nitong mga napakabanal na handog—na inilaan nila para sa akin at dinala sa akin ay magiging para sa iyo at para sa iyong mga anak na lalaki. 10 Ito ay ganap na inilaan para sa akin, na dapat mong kainin ang mga handog na ito. Bawat lalaking kasama mo ay dapat kumain ng mga handog na ito. Dapat mo silang isaalang-alang bilang inilaan para sa akin. 11 Ito ang mga handog na mapapabilang sa iyo: kanilang mga regalo na itinabi mula sa lahat ng itinaas na mga handog ng mga tao ng Israel, mga handog na tinaas nang mataas sa harap ko at dinala sa akin. Ibinibigay ko ang mga ito sa iyo, sa iyong mga anak na lalaki, at sa iyong mga anak na babae, bilang iyong patuloy na bahagi. Bawat isang malinis sa pamamagitan ng ritwal sa iyong pamilya ay maaaring kumain ng kahit ano mula sa mga handog na ito. 12 Lahat ng mainam na langis, lahat ng mainam na bagong alak at butil, ang unang mga prutas na ibinigay ng mga tao sa akin—lahat ng mga ito ay ibinibigay ko sa inyo. 13 Ang lahat ng bungang unang hinog na nasa kanilang lupain, na dinala nila sa akin ay magiging sa inyo. Bawat isang malinis sa iyong pamilya ay maaaring kumain ng mga bagay na ito. 14 Bawat bagay na inilaan sa Israel ay magiging sa iyo. 15 Bawat bagay na nagpapabukas ng sinapupunan, lahat ng panganay na hinandog ng mga tao kay Yahweh, kapwa tao at hayop, magiging sa iyo. Gayunpaman, dapat tiyak na bilhin muli ng mga tao ang bawat panganay na anak na lalaki, at dapat nilang bilhin muli ang panganay na lalaki ng maruming mga hayop. 16 Iyong mga dapat bibilhin muli ng mga tao ay dapat bilhin muli pagkatapos na maging isang buwang gulang. Pagkatapos ay maaari na silang bilhin muli ng mga tao, sa halagang limang siklo, ayon sa pamantayang timbang na siklo ng santuwaryo, na kapantay ng dalawampung gera. 17 Subalit ang panganay ng isang baka, o ang panganay ng isang tupa, o ang panganay ng isang kambing ay hindi mo dapat bilhin muli ang mga hayop na ito; sila ay inilaan sa akin. Dapat mong isaboy ang dugo nito sa altar at sunugin ang kanilang taba bilang isang alay na pinaraan sa apoy, upang magdulot ng mabangong halimuyak para sa akin. 18 Magiging sa iyo ang karne ng mga ito. Gaya ng itinaas na dibdib at kanang hita, magiging sa iyo ang karne ng mga ito. 19 Lahat ng dinalang handog ng banal na mga bagay na inalay ng mga tao ng Israel sa akin ay ibinibigay ko ang mga ito sa iyo, sa iyong mga anak na lalaki, sa iyong mga anak na babae bilang patuloy na bahagi. Tumatayo sila para sa isang tipan ng asin, isang umiiral na tipan magpakailanman, sa harap ko kasama mo at ng iyong mga kaapu-apuhan." 20 Sinabi ni Yahweh kay Aaron, "Hindi ka dapat magkaroon ng mana sa lupain ng mga tao, ni dapat magkaroon ng bahagi sa mga ari-arian ng mga tao. Ako ang iyong magiging bahagi at mana sa piling ng mga tao ng Israel. 21 Sa mga kaapu-apuhan ni Levi, tingnan mo, ibinigay ko ang lahat ng mga ikapu bilang kanilang mana kapalit ng kanilang paninilbihan na kanilang ibinibigay sa pagtatrabaho sa tolda ng pagpupulong. 22 Simula ngayon hindi dapat lumapit ang mga tao ng Israel sa tolda ng pagpupulong, o sila ay magkakaroon ng pananagutan sa kasalanang ito at mamatay. 23 Dapat gawin ng mga Levita ang mga gawain na may kaugnayan sa tolda ng pagpupulong. Sila ang may pananagutan para sa anumang kasalanan tungkol dito. Ito ang magiging isang palagiang batas sa lahat ng salinlahi ng iyong mga tao. At hindi sila dapat magkaroon ng mana sa piling ng mga tao ng Israel. 24 Sapagkat ang mga ikapu ng mga tao ng Israel, na kanilang inialay bilang handog para sa akin—ito ang mga ibinibigay ko sa mga Levita bilang kanilang mana. Ito ang dahilan kung bakit sinabi ko sa kanila, 'Hindi sila dapat magkaroon ng mana sa piling ng mga tao ng Israel.'" 25 Nagsalita si Yahweh kay Moises at sinabi, 26 "Dapat mong kausapin ang mga Levita at sabihin sa kanila, 'Kapag matanggap mo mula sa mga tao ng Israel ang ikasampu na ibinibigay ni Yahweh sa iyo bilang iyong mana ay dapat mong ihandog ang isang inalay na handog mula sa ikasampung iyon sa kaniya, ang ikasampu mula sa ikapu. 27 Dapat mong isaalang-alang ang iyong inalay na handog na para itong ikasampu ng butil mula sa giikang palapag o produkto mula sa pigaan ng ubas. 28 Kaya dapat ka ring mag-alay ng handog kay Yahweh mula sa ikapu na iyong natanggap mula sa mga tao ng Israel. Dapat mong ibigay mula sa kanila ang kaniyang inalay na handog kay Aaron na pari. 29 Mula sa lahat ng mga inalay na iyong natanggap, dapat kang maghandog ng bawat inalay na handog kay Yahweh. Dapat mong gawin ito mula sa lahat ng mainam at pinaka-banal na mga bagay na ibinigay sa iyo.' 30 Kaya dapat mong sabihin sa kanila, 'Kapag mag-alay kayo ng mainam ng kahit ano sa inyong tinanggap ay dapat itong isaalang-alang ng mga Levita gaya ng nailabas mula sa giikang palapag at sa pigaan ng ubas. 31 Maaari ninyong kainin ang natirang mga regalo sa alinmang lugar, kayo at ang inyong mga pamilya, dahil ito ay inyong kabayaran kapalit ng inyong pagtatrabaho sa tolda ng pagpupulong. 32 Hindi kayo magkakasala sa pagkain at pag-inom nito, kapag inyong ialay kay Yahweh ang pinakamainam ng kahit anong inyong tinanggap. Subalit hindi ninyo dapat lapastanganin ang banal na mga handog ng mga tao ng Israel, o kayo ay mamamatay."

Chapter 19

1 Nagsalita si Yahweh kay Moises at Aaron. Sinabi niya, 2 "Ito ay isang batas, isang batas na aking iniuutos sa inyo: Sabihin ninyo sa mga tao ng Israel na dapat nilang dalhin sa iyo ang isang pulang dumalagang baka na walang depekto o kapintasan, at hindi pa nakapagpasan ng pamatok. 3 Ibigay ninyo ang dumalagang baka kay Eleazar na pari. Dapat niyang dalhin ito sa labas ng kampo, at dapat patayin ito ng isang tao sa kaniyang harapan. 4 Dapat kumuha si Eleazar na pari ng kaunti sa mga dugo nito gamit ang kaniyang daliri at iwisik ito ng pitong beses sa harapan ng tolda ng pagpupulong. 5 Isa pang pari ang dapat sumunog sa dumalagang baka sa kaniyang paningin. Dapat niyang sunugin ang mga balat nito, laman, at mga dugo nito kasama ang mga dumi nito. 6 Dapat kumuha ang pari ng kahoy na sedro, isopo, at ng lanang matingkad na pula, at ihagis itong lahat sa gitna ng nasusunog na dumalagang baka. 7 Pagkatapos, dapat niyang labhan ang kaniyang mga damit at maligo sa tubig. At makakapasok siya sa kampo, kung saan siya mananatiling marumi hanggang sa gabi. 8 Dapat labhan ng taong sumunog sa dumalagang baka ang kaniyang mga damit at maligo sa tubig. Mananatili siyang marumi hanggang sa gabi. 9 Dapat tipunin ng isang taong malinis ang mga abo ng dumalagang baka at ilagay ang mga ito sa labas ng kampo sa isang malinis na lugar. Dapat itago ang mga abong ito para sa sambayanan ng Israel. Ihahalo nila ang mga abo sa tubig para sa paglilinis mula sa pagkakasala, sapagkat ang mga abo ay galing sa isang handog para sa kasalanan. 10 Ang isang taong tumipon sa mga abo ng dumalagang baka ay dapat niyang labhan ang kaniyang mga damit. Mananatili siyang marumi hanggang sa gabi. Ito ay magiging palagiang batas para sa mga tao ng Israel at sa mga dayuhang naninirahan kasama nila. 11 Sinuman ang humipo sa bangkay ng kahit na sinong tao ay magiging marumi sa loob ng pitong araw. 12 Dapat linisin ng taong iyon ang kaniyang sarili sa ikatlong araw at sa ikapitong araw. At siya ay magiging malinis. Ngunit kung hindi niya nilinis ang kaniyang sarili sa ikatlong araw, hindi siya magiging malinis sa ikapitong araw. 13 Sinumang humipo sa isang patay na tao, ang katawan ng taong namatay, at hindi niya nilinis ang kaniyang sarili--dinudungisan ng taong ito ang tabernakulo ni Yahweh. Dapat itiwalag ang taong iyon mula sa Israel dahil hindi naiwisik sa kaniya ang tubig para sa karumihan. Mananatili siyang marumi; mananatili sa kaniya ang kaniyang pagkamarumi. 14 Ito ang batas kapag mamamatay ang isang tao sa loob ng isang tolda. Bawat taong papasok sa loob ng tolda at bawat isang nasa loob ng tolda ay magiging marumi sa loob ng pitong araw. 15 Bawat nakabukas na lalagyan na walang takip ay magiging marumi. 16 Katulad nang sinumang nasa labas ng tolda na humipo sa isang taong pinatay gamit ang isang espada, anumang bangkay, buto ng tao, o isang puntod--magiging marumi ang taong iyon sa loob ng pitong araw. 17 Gawin ninyo ito sa taong marumi: Kumuha kayo ng kaunting abo mula sa sinunog na handog para sa kasalanan at ihalo ang mga ito sa isang banga na may sariwang tubig. 18 Dapat kumuha ang isang taong malinis ng isopo, isawsaw ito sa tubig at iwisik ito sa tolda, sa lahat ng lalagyang nasa loob ng tolda, sa mga taong naroon, at sa isang taong humipo sa buto, sa pinatay na tao, sa namatay na tao, o sa puntod. 19 Sa ikatlong araw at sa ikapitong araw, dapat wisikan ng taong malinis ang taong marumi. Dapat maglinis ng kaniyang sarili ang taong marumi sa ikapitong araw. Dapat niyang labhan ang kaniyang mga damit at maligo sa tubig. At sa gabi ay magiging malinis siya. 20 Ngunit ang sinumang mananatiling marumi, na tumatangging magpalinis ng kaniyang sarili--ititiwalag ang taong iyon mula sa sambayanan--dahil dinungisan niya ang santuwaryo ni Yahweh. Hindi pa naiwisik sa kaniya ang tubig para sa karumihan; mananatili siyang marumi. 21 Ito ay magiging isang patuloy na batas patungkol sa mga kalagayang ganito. Dapat labhan ng taong nagwiwisik sa tubig para sa karumihan ang kaniyang mga damit. Ang taong humawak sa tubig para sa karumihan ay magiging marumi hanggang sa gabi. 22 Anuman ang hahawakan ng taong marumi ay magiging marumi. Ang taong hahawak nito ay magiging marumi hanggang gabi."

Chapter 20

1 Kaya ang mga tao ng Israel, ang buong sambayanan ay pumunta sa ilang ng Sin sa unang buwan; nanatili sila sa Kades. Doon namatay at inilibing si Miriam. 2 Walang tubig para sa sambayanan, kaya nagtipun-tipon sila laban kina Moises at Aaron. 3 Nagreklamo ang mga tao laban kay Moises. Sinabi nila, "Mas mabuti pa ngang namatay nalang kami nang mamatay ang kasamahan naming mga Israelita sa harap ni Yahweh! 4 Bakit mo dinala ang sambayanan ni Yahweh sa ilang na ito para mamatay dito, kami at ang aming mga hayop? 5 At bakit mo kami inilabas sa Ehipto para dalhin kami sa nakakakilabot na lugar na ito? Walang butil dito, mga igos, mga puno ng ubas, o mga granada. At walang tubig na maiinom." 6 Kaya umalis sina Moises at Aaron mula sa harap ng kapulungan. Pumunta sila sa pasukan ng tolda ng pagpupulong at nagpatirapa. Doon nagpakita ang makinang na kaluwalhatian ni Yahweh sa kanila. 7 Nagsalita si Yahweh kay Moises at sinabin, 8 "Kunin mo ang iyong tungkod at tipunin ang sambayanan, ikaw at si Aaron na iyong kapatid. Magsalita ka sa bato sa kanilang paningin, at utusan mo ang bato na magpadaloy ng tubig. Makakakuha ka ng tubig para sa kanila mula sa batong iyan, at dapat mong ibigay ito sa sambayanan at sa kanilang mga baka para inumin." 9 Kinuha ni Moises ang kaniyang tungkod sa harap ni Yahweh gaya ng iniutos ni Yahweh na kaniyang gawin. 10 At tinipong magkakasama nina Moises at Aaron ang kapulungan sa harap ng bato. Sinabi ni Moises sa kanila, "Makinig kayo ngayon, kayong mga mapaghimagsik. Dapat ba kaming magpadaloy ng tubig mula sa batong ito para sa inyo?" 11 Pagkatapos, itinaas ni Moises ang kaniyang kamay at hinampas ng dalawang beses ang bato sa pamamagitan ng kaniyang tungkod, at lumabas ang maraming tubig. Uminom ang sambayanan at ang kanilang mga baka. 12 Pagkatapos sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron, "Dahil hindi kayo nagtiwala sa akin o inilaan ako na maging banal sa mga mata ng mga tao ng Israel, hindi ninyo madadala ang kapulungang ito sa lupain na ibinibigay ko sa kanila." 13 Tinawag ang lugar na ito na mga tubig ng Meriba dahil nakipagtalo ang mga tao ng Israel kay Yahweh doon, at ipinakita niya ang kaniyang sarili sa kanila bilang banal. 14 Nagpadala ng mga mensahero si Moises mula Kades sa hari ng Edom: Ito ang sinabi ng iyong kapatid na si Israel: "Alam mo ang lahat ng paghihirap na nangyari sa amin. 15 Alam mo na pumunta sa Ehipto ang aming mga ninuno at nanirahan sa Ehipto ng isang mahabang panahon. Tinuring kaming napakasama ng mga taga-Ehipto gayon din ang aming mga ninuno. 16 Nang tumawag kami kay Yahweh, dininig niya ang aming mga tinig at nagpadala siya ng isang anghel at inilabas kami sa Ehipto. Tingnan mo, narito kami sa Kades, isang lungsod sa hangganan ng iyong lupain. 17 Hinihiling kong pahintulutan mo kaming maadaan sa iyong lupain. Hindi kami dadaan sa bukirin o ubasan, ni iinom ng tubig sa iyong mga balon. Dadaan kami sa maluwang na daanan ng hari. Hindi kami liliko sa kanan o sa kaliwa hanggang makalampas kami sa iyong hangganan." 18 Subalit tumugon ang hari ng Edom sa kaniya, "Hindi ka maaaring dumaan dito. Kapag ginawa mo iyon, darating ako nang may espada upang salakayin ka." 19 At sinabi ng mga tao ng Israel sa kaniya, "Dadaan kami sa maluwang na daanan. Kung uminom kami o ang aming mga alagang hayop ng iyong tubig, babayaran namin ito. Pabayaan mo lang kaming makadaan sa aming paa, wala kaming ibang gagawin." 20 Subalit sumagot ang hari ng Edom, "Hindi kayo maaring dumaan." Kaya dumating ang hari ng Edom laban sa Israel nang may isang malakas na kamay kasama ang maraming kawal. 21 Hindi pumayag ang hari ng Edom na makatawid ang Israel sa kanilang hangganan. Dahil dito, lumayo ang Israel sa lupain ng Edom. 22 Kaya naglakbay ang mga tao mula Kades. Ang mga tao ng Israel, ang buong sambayanan ay dumating sa Bundok Hor. 23 Nagsalita si Yahweh kina Moises at Aaron sa Bundok Hor, sa hangganan ng Edom. Sinabi niya, 24 "Dapat maitipon si Aaron sa kaniyang mga tao, sapagkat hindi siya papasok sa lupain na ibinibigay ko sa mga tao ng Israel. Ito ay dahil lumabag kayong dalawa sa aking salita sa mga tubig ng Meribah. 25 Kunin mo si Aaron at si Eleazar na kaniyang anak na lalaki at dalhin mo sila sa Bundok Hor. 26 Alisin mo kay Aaron ang mga kasuotang pangpari at isuot ito kay Eleazar na kaniyang anak na lalaki. Dapat mamatay si Aaron at mmaitipon sa kaniyang mga tao doon." 27 Ginawa ni Moises ang inutos ni Yahweh. Umakyat sila sa Bundok Hor sa paningin ng sambayanan. 28 Tinanggal ni Moises kay Aaron ang kaniyang kasuotang pangpari at isinuot kay Eleazar na kaniyang anak na lalaki. Namatay si Aaron doon sa tuktok ng bundok. Pakatapos, bumaba si Moises at Eleazar. 29 Nang makita ng sambayanang patay na si Aaron. Nagluksa ang buong bansa para sa kaniya ng tatlumpung araw.

Chapter 21

1 Nang marinig ng Cananeong hari ng Arad, na siyang naninirahan sa Negev na naglalakbay ang Israel sa daan ng Atarim, nakipaglaban siya laban sa Israel at kumuha siya ng ilang bihag mula sa kanila. 2 Nangako ang Israel kay Yahweh at sinabi, "Kung bibigyan mo kami ng tagumpay sa mga taong ito, lubos na wawasakin namin ang kanilang mga lungsod." 3 Nakinig si Yahweh sa tinig ng Israel at binigyan sila ng tagumpay laban sa mga Cananeo. Lubusan silang winasak at ang kanilang mga lungsod. Tinawag na Horma ang lugar na iyon. 4 Naglakbay sila mula sa Bundok ng Hor sa daan ng Dagat ng mga Tambo upang lumiko sa lupain ng Edom. 5 Lubos na napanghinaan ng loob sa paglalakbay ang mga tao. Nagsalita ang mga tao laban sa Diyos at kay Moises: "Bakit mo kami pinalabas sa Ehipto upang mamatay sa ilang? Walang tinapay, walang tubig, at ayaw namin ang nakakasawang pagkaing ito." 6 At nagpadala si Yahweh ng mga makamandag na ahas sa mga tao. Tinuklaw ng mga ahas ang mga tao; maraming tao ang namatay. 7 Lumapit ang mga tao kay Moises at sinabin, "Nagkasala kami dahil nagsalita kami laban kay Yahweh at sa iyo. Magdasal ka kay Yahweh upang ilayo niya ang mga ahas mula sa amin." Kaya nagdasal si Moises para sa mga tao. 8 Sinabi ni Yahweh kay Moises, "Gumawa ka ng isang ahas at ikabit mo ito sa isang poste. At mangyayari na ang bawat isang natuklaw ay makaliligtas, kung titingnan niya ito." 9 Kaya gumawa si Moises ng isang tansong ahas at ikinabit ito sa isang poste. Kapag natuklaw ng isang ahas ang sinumang tao, kung titingin siya sa tansong ahas, makaliligtas siya. 10 PAt nagpatuloy ang mga tao ng Israel sa kanilang paglalakbay at nagkampo sila sa Obot. 11 Naglakbay sila mula sa Obot at nagkampo sila sa Lye Abarim sa ilang na nakaharap sa Moab sa dakong silangan. 12 Mula roon naglakbay sila at nagkampo sa lambak ng Zered. 13 Mula roon naglakbay sila at nagkampo sa kabilang bahagi ng Ilog Arnon, na nasa ilang na lpatungo sa hangganan ng mga Amoreo. Ang Ilog Arnon ang nagsisilbing hangganan ng Moab, sa pagitan ng Moab at ng mga Amoreo. 14 Kaya nga sinasabi sa kasulatang binalumbon ng Mga Digmaan ni Yahweh, "Waheb sa Sufa, at ang mga lambak ng Arnon, 15 ang libis ng mga lambak na patungo sa bayan ng Ar at pababa patungo sa hangganan ng Moab." 16 Mula roon naglakbay sila patungo sa Beer, na kung saan ay naroon ang balon na sinabi ni Yahweh kay Moises, "Sama-sama mong tipunin ang mga tao upang bigyan ko sila ng tubig." 17 At inawit ng Israel ang awiting ito: "Bumukal ka, balon. Awitin ang tungkol dito. 18 Ang balong hinukay ng ating mga pinuno, ang balong hinukay ng mga taong marangal sa pamamagitan ng setro at kanilang mga baston." Pagkatapos mula sa ilang naglakbay sila patungong Matana. 19 Mula sa Matana naglakbay sila patungong Nahaliel, at mula sa Nahaliel patungong Bamot, 20 at mula sa Bamot patungo sa isang lambak sa lupain ng Moab. Iyon ay kung saan ang tuktok ng Bundok Pisga na natatanaw sa ilang. 21 Pagkatapos, nagpadala ang Israel ng mga mensahero kay Sihon na hari ng mga Amoreo na nagsasabi, 22 "Hayaan mo kaming dumaan sa iyong lupain. Hindi kami liliko sa anumang bukirin o ubasan. Hindi kami iinom ng tubig mula sa iyong mga balon. Maglalakbay kami sa pamamagitan ng maluwang na daanan ng hari hanggang makatawid kami sa kanilang hangganan." 23 Ngunit hindi pinayagan ni Haring Sihon ang Israel na dumaan sa kanilang hangganan. Sa halip, sama-samang tinipon ni Sihon ang lahat ng kaniyang hukbo at sinalakay ang Israel sa ilang. Nakarating siya sa Jahaz, kung saan nakipaglaban siya sa Israel. 24 Sinalakay ng Israel ang hukbo ni Sihon sa pamamagitan ng talim ng espada at kinuha nila ang lupain mula sa Arnon patungong ilog ng Jabok, hanggang sa lupain ng mga tao ng Ammon. Ngayon ay pinatibay ang hangganan ng mga tao ng Ammon. 25 Kinuha ng Israel ang lahat ng mga lungsod ng Amoreo at tinirhan nilang lahat, kasama ang Hesbon at lahat ng mga nayon nito. 26 Ang Hesbon ay ang lungsod ni haring Sihon ng mga Amoreo, na siyang nakipaglaban sa dating hari ng Moab. Kinuha ni Sihon ang lahat ng kaniyang lupain mula sa kaniyang sinasakupan hanggang sa Ilog Arnon. 27 Kaya sinabi ng mga nagsalita sa kawikaan, "Pumunta kayo sa Hesbon. Hayaan ninyo ang lungsod ng Sihon na muling maitayo at maitatag. 28 Isang apoy na umaalab mula sa Hesbon, isang ningas ng apoy mula sa lungsod ng Sihon na lumamon sa Ar ng Moab, at mga nagmamay-ari ng mga burol sa tabi ng Arnon. 29 Aba sa iyo, Moab! Napuksa ka, mga tao ng Cemos. Pinabihag niya ang kaniyang mga anak na lalaki at pinabilanggo niya ang kaniyang mga anak na babae kay Sihon na hari ng mga Amoreo. 30 Ngunit nasakop namin si Sihon. Nawasak ang Hesbon hanggang sa Dibon. Tinalo namin sila hanggang sa dulo ng Nofa, na umaabot sa Medeba." 31 Kaya nagsimulang manirahan ang Israel sa lupain ng mga Amoreo. 32 At ipinadala ni Moises ang mga lalaki upang tingnan ang Jazer. Kinuha nila ang mga nayon nito at pinaalis ang mga Amoreong naroon. 33 Pagkatapos tumalikod sila at umakyat sa daan ng Bashan. Lumabas si Og na hari ng Bashan laban sa kanila, siya at ang lahat niyang hukbo, upang labanan sila sa Edrei. 34 Pagkatapos, sinabi ni Yahweh kay Moises, "Huwag kang matakot sa kaniya, dahil binigyan ko kayo ng tagumpay laban sa kaniya, lahat ng kaniyang hukbo at ng kaniyang lupain. Gawin ninyo sa kaniya ang tulad ng ginawa ninyo kay Sihon na hari ng mga Amoreo, na nanirahan sa Hesbon." 35 Kaya pinatay nila siya, ang kaniyang mga anak na lalaki, at lahat ng kaniyang hukbo, hanggang walang natirang buhay sa kaniyang mga tao. Pagkatapos, kinuha nila ang kaniyang lupain.

Chapter 22

1 Nagpatuloy sa paglalakbay ang mga tao ng Israel hanggang sa magkampo sila sa mga kapatagan ng Moab malapit sa Jerico, sa ibayo ng Ilog Jordan mula sa lungsod. 2 Nakita ni Balak na lalaking anak ni Zippor ang lahat ng ginawa ng Israel sa mga Amoreo. 3 Labis na natakot si Moab sa mga tao dahil sila ay marami, at matindi ang takot ni Moab sa mga tao ng Israel. 4 Sinabi ng hari ng Moab sa nakakatanda ng Midian, "Kakainin nitong napakaraming ang lahat ng nakapaligid sa atin gaya ng panginginain ng isang kapong baka sa mga damo sa isang bukirin." Ngayon si Balak na lalaking anak ni Zippor ang hari ng Moab sa panahong iyon. 5 Nagpadala siya ng mga mensahero kay Balaam na lalaking anak ni Beor, sa Petor na nasa tabi ng Ilog Eufrates, sa lupain ng kaniyang bansa at kaniyang mga tao. Tinawag niya siya at sinabi, "Tingnan mo, isang bansa ang dumating dito mula sa Ehipto. Kanilang sinakop ang buong lupain at sila ay narito na malapit sa akin. 6 Kaya pakiusap pumunta ka na ngayon at isumpa ang bayang ito para sa akin, dahil sila ay napakalakas para sa akin. Marahil kung gayon, maaari ko na silang salakayin at palayasin palabas sa lupain. Alam ko na ang sinumang pinagpapala mo ay pagpapalain, at ang sinumang isusumpa mo ay susumpain." 7 Kaya umalis ang mga nakakatanda ng Moab at ng Midian, dala nila ang pambayad para sa panghuhula. Nagpunta sila kay Balaam at sinabi sa kaniya ang mga salita ni Balak. 8 Sinabi ni Balaam sa kanila, "Mamalagi kayo rito ngayong gabi. Sasabihin ko sa inyo kung ano ang sasabihin sa akin ni Yahweh." Kaya nanatili ang mga pinuno ng Moab kay Balaam sa gabing iyon. 9 Nagpunta ang Diyos kay Balaam, at sinabi, "Sino ang mga lalaking ito na nagpunta sa iyo?" 10 Sumagot si Balaam, "Ipinadala sila sa akin ni Balak na lalaking anak ni Zippor, hari ng Moab. Sinabi niya, 11 'Tingnan mo, ang mga taong nanggaling mula sa Ehipto ay sinakop ang aking lupain. Ngayon, pumarito ka at sumpain sila para sa akin. Marahil, maaari ko na silang kalabanin at palayasin."' 12 Tumugon ang Diyos kay Balaam, "Hindi ka dapat sumama sa mga lalaking iyon. Hindi mo dapat isumpa ang mga tao ng Israel dahil pinagpala sila." 13 Kinaumagahan tumayo si Balaam at sinabi sa mga pinuno ni Balak, "Bumalik na kayo sa inyong lupain dahil hindi ako pinayagan ni Yahweh na sumama sa inyo." 14 Kaya umalis ang mga pinuno ng Moab at bumalik kay Balak. Sinabi nila, "Tumanggi si Balaam na sumama sa amin." 15 Muling nagpadala si Balak ng mas maraming pinuno na mas iginagalang kaysa sa mga naunang grupo. 16 Nagpunta sila kay Balaam at sinabi sa kaniya, "Ito ang sinasabi ni Balak na anak ni Zippor, 'Pakiusap, wala nawang anumang bagay na hahadlang sa iyo sa pagparito sa akin, 17 dahil babayaran pa kita nang labis at bibigyan kita ng dakilang karangalan, at gagawin ko anuman ang sasabihin mong gawin ko. Kaya pakiusap pumunta ka at isumpa mo ang mga taong ito para sa akin."' 18 Sumagot si Balaam at sinabi sa mga tauhan ni Balak, "Kahit na ibibigay sa akin ni Balak ang kaniyang palasyong puno ng pilak at ginto, hindi ako pwedeng sumuway sa mga salita ni Yahweh, ang aking Diyos, at gawin nang walang labis o walang kulang kung ano ang sinabi niya sa akin. 19 Kung gayon, pakiusap manatili rin kayo rito ngayong gabi, upang pag-isipan kong mabuti ang anumang sinasabi ni Yahweh sa akin." 20 Pinuntahan ng Diyos si Balaam sa gabi at sinabi sa kaniya, "Yamang nagpunta ang mga lalaking ito para ipatawag ka, tumayo ka at sumama sa kanila. Ngunit gagawin mo lamang kung ano ang aking sinabing gagawin mo." 21 Kinaumagahan tumayo si Balaam, nilagyan niya ng upuan ang kaniyang asno at sumama sa mga pinuno ng Moab. 22 Ngunit dahil sumama siya, ang galit ni Yahweh ay sumiklab. Inilagay ng anghel ni Yahweh ang kaniyang sarili sa daanan bilang isang taong hadlang kay Balaam, na nakasakay sa kaniyang asno. Ang dalawang alipin ni Balaam ay kasama din niya. 23 Nakita ng asno ang anghel ni Yahweh na nakatayo sa daraanan na hawak niya ang kaniyang nakalabas na tabak. Lumihis ang asno sa kalsada at pumunta sa loob ng isang bukirin. Hinampas ni Balaam ang asno upang ipaharap sa kalsada. 24 At tumayo ang anghel ni Yahweh sa isang makipot na bahagi ng kalsada sa pagitan ng ilang ubasan, na mayroong isang pader sa kaniyang kanang bahagi at isa pang pader sa kaniyang kaliwang bahagi. 25 Nakita muli ng asno ang anghel ni Yahweh. Sumiksik siya sa pader at naipit ang paa ni Balaam laban dito. Muli siyang hinampas ni Balaam. 26 Pumunta sa mas malayo ang anghel ni Yahweh at tumayo sa isa pang makipot na lugar kung saan ay walang paraan para makaiwas sa kahit sa anumang bahagi. 27 Nakita ng asno ang anghel ni Yahweh, at humiga siya sa ilalim ni Balaam. Sumiklab ang galit ni Balaam at kaniyang hinampas ng baston ang kaniyang asno. 28 Pagkatapos, binuksan ni Yahweh ang bibig ng asno para magsalita siya. Sinabi niya kay Balaam, "Ano ang aking ginawa sa iyo na nag-udyok sa iyo na hampasin ako nitong makaikatlo beses?" 29 Sumagot si Balaam, "Dahil ikaw ay kumilos nang may kahangalan sa akin. Sana ay mayroong isang espada sa aking kamay. Kung mayroon, sa ngayon pinatay na kita." 30 Sinabi ng asno kay Balaam, "Hindi ba ako ang iyong asno na sinasakyan mo sa buong buhay mo hanggang sa mga araw na ito? Ugali ko bang gawin ang mga ganitong bagay sa iyo dati?" Sinabi ni Balaam, "Hindi." 31 Pagkatapos, binuksan ni Yahweh ang mga mata ni Balaam, at nakita niya ang anghel ni Yahweh na nakatayo sa daraanan na nakalabas ang kaniyang espadang nasa kaniyang kamay. Iniyuko ni Balaam ang kaniyang ulo at nagpatirapa. 32 Sinabi ng anghel ni Yahweh sa kaniya, "Bakit mo hinampas nitong tatlong beses ang iyong asno? Tingnan mo, naparito ako bilang isang taong galit sa iyo dahil masama ang mga ikinikilos mo sa harapan ko. 33 Nakita ako ng iyong asno at iniwasan niya ako ng tatlong beses. Kung hindi siya umiwas sa akin, siguradong napatay kita at nailigtas ko ang buhay niya." 34 Sinabi ni Balaam sa anghel ni Yahweh, "Nagkasala ako. Hindi ko alam na nakatayo ka sa kalsada laban sa akin. Ngayon kung ganoon, kung hindi katanggap-tanggap sa iyo ang paglalakbay na ito, babalik ako sa aking pinanggalingan." 35 Ngunit sinabi ng anghel ni Yahweh kay Balaam, "Magpatuloy ka kasama ng mga lalaki. Ngunit dapat sabihin mo lamang ang mga salita na sinabi ko sa iyo." Kaya sumama si Balaam sa mga pinuno ni Balak. 36 Nang marinig ni Balak na dumating na si Balaam, lumabas siya upang salubungin siya sa isang lungsod ng Moab sa Arnon, na nasa hangganan. 37 Sinabi ni Balak kay Balaam, "Hindi ba ako nagpadala ng mga tauhan upang ipatawag ka? Bakit hindi ka pumunta sa akin? Wala ba akong kakayahan na bigyan ka ng karangalan?" 38 At sumagot si Balaam, "Tingnan mo, naparito na ako para sa iyo. Mayroon na ba akong karapatang magsabi ng anumang bagay? Sasabihin ko lamang ang mga salita ni Yahweh na ilagay niya sa aking bibig." 39 Sumama si Balaam kay Balak, at nakarating sila sa Kiriat Husot. 40 At inialay ni Balak ang mga kapong baka at tupa at binigyan niya ng kaunting karne si Balaam at ang mga pinunong kasama niya. 41 Kinaumagahan, dinala ni Balak si Balaam sa itaas sa mga dambana ni Baal. Mula roon makikita lamang ni Balaam ang maliit na bahagi ng mga Israelita sa kanilang kampo.

Chapter 23

1 Sinabi ni Balaam kay Balak, "Gumawa ka ng pitong altar dito para sa akin at maglaan ka ng pitong toro at pitong lalaking tupa. 2 Kaya ginawa ni Balak ayon sa hiniling ni Balaam. Pagkatapos, naghandog si Balak at Balaam ng isang toro at isang lalaking tupa sa bawat altar. 3 Pagkatapos, sinabi ni Balaam kay Balak, "Tumayo ka malapit sa handog na susunugin at pupunta ako. Marahil darating si Yahweh upang makipagkita sa akin. Anuman ang ipapakita niya sa akin sasabihin ko sa iyo."Kaya umalis siya patungo sa isang burol na walang mga puno. 4 Nakipagkita ang Diyos sa kaniya, at sinabi ni Balaam sa kaniya, "Gumawa ako ng pitong altar, at nag-alay ako ng isang toro at isang lalaking tupa sa bawat isa". 5 Naglagay ng isang mensahe si Yahweh sa bibig ni Balaam at sinabi, "Bumalik ka kay Balak at magsalita ka sa kaniya." 6 Kaya bumalik si Balaam kay Balak, na nakatayo sa tabi ng kaniyang handog na susunugin, at lahat ng mga pinuno ng Moab na kasama niya. 7 At nagsimulang sabihin ni Balaam ang kaniyang propesiya at sinabi, "Dinala ako ni Balak mula sa Aram. Ang hari ng Moab mula sa mga bundok sa silangan. 'Halika, isumpa mo si Jacob para sa akin,' sinabi niya. 'Halika, labanan mo ang Israel.' 8 Paano ko isusumpa ang mga taong hindi isinumpa ng Diyos? Paano ko lalabanan ang mga hindi nilabanan ni Yahweh? 9 Sapagkat nakikita ko siya mula sa tuktok ng mga bato; mula sa mga burol tinitingnan ko siya. Tingnan mo, may mga taong naninirahang mag-isa at hindi itinuturing ang kanilang sarili bilang isang karaniwang bansa. 10 Sino ang makakapagbilang sa alikabok ni Jacob o makakapagbilang kahit na ang ikaapat lamang ng Israel? Hayaan akong akong mamatay sa kamatayan ng isang matuwid na tao, at hayaang maging katulad niya ang wakas ng aking buhay!" 11 Sinabi ni Balak kay Balaam, "Anong ginawa mo sa akin? Dinala kita upang isumpa ang aking mga kalaban, ngunit tingnan mo, pinagpala mo sila." 12 Sumagot si Balaam at sinabi, "Hindi ba dapat akong maging maingat na sabihin lamang kung ano ang inilagay ni Yahweh sa aking bibig?" 13 Kaya sinabi ni Balak sa kaniya, "Pakiusap sumama ka sa akin sa isang lugar kung saan makikita mo sila. Makikita mo lamang ang pinakamalapit sa kanila, hindi silang lahat. Doon isusumpa mo sila para sa akin." 14 Kaya dinala niya si Balaam sa bukid ng Zopim, sa tuktok ng Bundok Pisga, at gumawa ng pito pang altar. Naghandog siya ng isang toro at isang lalaking tupa sa bawat altar. 15 Pagkatapos, sinabi ni Balaam kay Balak, "Tumayo ka rito sa tabi ng iyong handog na susunugin, habang nakikipagkita ako kay Yahweh doon." 16 Kaya nakipagkita si Yahweh kay Balaam at inilagay ang isang mensahe sa kaniyang bibig. Sinabi niya, "Bumalik ka kay Balak at ibigay mo sa kaniya ang aking mensahe." 17 Bumalik si Balaam sa kaniya, at masdam, nakatayo siya sa tabi ng kaniyang handog na susunugin, at kasama niya ang mga pinuno ng Moab. At sinabi ni Balak sa kaniya, "Ano ang sinabi ni Yahweh?" 18 Sinimulan ni Balaam ang kaniyang propesiya. Sinabi niya, "Tumayo ka, Balak, at dinggin mo. Makinig ka sa akin, ikaw na anak ni Zippor. 19 Hindi isang tao ang Diyos, na kailangan niyang magsinungaling, o isang tao, na kailangang magbago ang kaniyang isip. Nangako ba siya ng anumang bagay na hindi ito ginagawa? Nagsabi ba siyang gagawin niya ang isang bagay na hindi niya ito tinutupad? 20 Tingnan mo, inutusan ako upang magpala. Binigyan ako ng Diyos ng isang biyaya, at hindi ko kayang baliktarin ito. 21 Wala siyang nakikitang paghihirap kay Jacob o kaguluhan sa Israel. Kasama nila si Yahweh na kanilang Diyos, at sumisigaw sapagkat kasama nila ang kanilang hari. 22 Inilabas sila ng Diyos mula sa Ihipto nang may lakas katulad ng isang mabangis na kapong baka. 23 Walang kulam ang tatalab laban kay Jacob, at walang panghuhula ang makakapinsala sa Israel. Sa halip, dapat itong sabihin tungkol kay Jacob at kay Israel, 'Tingnan mo kung ano ang ginawa ng Diyos!' 24 Tingnan mo, tumayo ang mga tao katulad ng isang babaeng leon, gaya ng isang leong lumabas at sumalakay. Hindi siya humihiga hanggang sa makain niya ang kaniyang biktima at inumin ang dugo ng kaniyang napatay." 25 Pagkatapos sinabi ni Balak kay Balaam, "Huwag mo silang isumpa o pagpalain." 26 Ngunit sumagot si Balaam at sinabi kay Balak, "Hindi ko ba sinabi sa iyo na dapat kong sabihin ang lahat ng sinabi ni Yahweh na sasabihin ko?" 27 Kaya sumagot si Balak kay Balaam, "Pumarito ka ngayon, dadalhin kita sa ibang lugar. Marahil makakalugod ito sa Diyos para isumpa mo sila roon para sa akin." 28 Kaya dinala ni Balak si Balaam sa tuktok ng Bundok Peor, na natatanawan ang ilang sa ibaba. 29 Sinabi ni Balaam kay Balak, "Magtayo ka para sa akin ng pitong altar dito at maghanda ng pitong toro at pitong lalaking tupa." 30 Kaya ginawa ni Balak ayon sa sinabi ni Balaam; nag-alay siya ng isang toro at isang lalaking tupa sa bawat altar.

Chapter 24

1 Nang makita ni Balaam na kinalugdanito ni Yahweh na pagpalain ang Israel, hindi na siya umalis, gaya nang una, upang gumamit ng pangkukulam. Sa halip, tumingin siya sa ilang. 2 Itinaas niya ang kaniyang mga mata at nakita niya na nagkampo ang Israel, bawat isa sa kanilang tribu, at pumasok sa kaniya ang Espiritu ng Diyos. 3 Natanggap niya itong propesiya at sinabi, "Magsasalita na si Balaam na anak ni Beor, ang taong malawak na nakamulat ang kaniyang mga mata. 4 Nagsalita siya at narinig ang mga salita ng Diyos. Nakita niya ang isang pangitain mula sa Makapangyarihan, Sa harapan niya, siya ay nagpatirapa pababa kalakip ang kaniyang mga matang nakamulat. 5 Anong ganda ng iyong mga tolda, o Jacob, ang lugar na kung saan ka nakatira, Israel! 6 Katulad ng mga lambak sila'y inilatag, katulad ng mga hardin sa tabing ilog, katulad ng mga mabangong punong itinanim ni Yahweh, katulad ng mga sedar sa gilid ng mga tubig. 7 Ang mga tubig na dumadaloy sa kanilang mga lalagyan, at ang kanilang mga binhi ay saganang-natubigan. Ang kanilang hari ay mas mataas kaysa kay Agag, at pararangalan ang kanilang kaharian. 8 Ilalabas siya ng Diyos sa Ehipto. Mayroon siyang lakas katulad ng isang mabangis na baka. Uubusin niya ang mga bansa na lalaban sa kaniya. Babaliin niya ang kanilang mga buto sa pira-piraso. Tutudlain niya sila ng kaniyang mga palaso. 9 Yuyuko siya katulad ng isang leon, katulad ng isang babaeng leon. Sino ang mangangahas na gambalain siya? Nawa, ang lahat na magpapala sa kaniya ay pagpalain; nawa, ang lahat na sumumpa sa kaniya ay sumpain." 10 Ang galit ni Balak laban kay Balaam ay sumiklab at hinampas niya ang kaniyang mga kamay sa galit. Sinabi ni Balak kay Balaam, "Ipinatawag kita upang isumpa ang aking mga kaaway, ngunit tingnan mo, pinagpala mo sila ng tatlong beses. 11 Kaya iwan mo ako ngayon at umuwi ka na. Sinabi ko na labis kitang gagantimpalaan, ngunit pinigilan ka ni Yahweh na makakuha ng anumang gantimpala." 12 At sumagot si Balaam, "Sinabi ko sa mga mensaherong ipinadala mo sa akin, 13 'Kahit na ibibigay ni Balak sa akin ang kaniyang palasyo na puno ng pilak at ginto, hindi ako susuway sa mga salita ni Yahweh at anumang bagay na masama o mabuti, o lahat ng bagay na gusto ko sanang gawin. Sasabihin ko lamang kung ano ang gusto ni Yahweh na sabihin ko.' Hindi ko ba nasabi ito sa kanila? 14 Kaya ngayon, tingnan mo, babalik ako sa aking mga tao. Ngunit binabalaan muna kita kung ano ang gagawin ng mga taong ito sa iyong mga tao sa darating na mga araw." 15 Sinimulan ni Balaam itong propesiya. Sinabi niya, "Magsasalita si Balaam na anak ni Beor, Ang taong mulat ang kaniyang mga mata. 16 Ito ay isang propesiya ng isang taong nakaririnig ng mga salita mula sa Diyos, na may kaalaman mula sa Kataas-taasan, na may mga pangitain mula sa Makapangyarihan sa lahat, Sa harapan niya na siyang nagpatirapang mulat ang kaniyang mga mata. 17 Nakita ko siya, ngunit siya ay wala ngayon dito. Tiningnan ko siya, ngunit hindi siya malapit. Isang tala ang lalabas mula kay Jacob, at lilitaw ang isang setro mula sa Israel. Dudurugin niya ang mga pinuno ng Moab at lilipulin lahat ng mga kaapu-apuhan ni Set. 18 At ang Edom ay magiging pag-aari ng Israel, at ang Seir ay magiging pag-aari rin nila, ang mga kaaway ng Israel, na masasakop ng Israel sa pamamagitan ng dahas. 19 Mula kay Jacob darating ang isang hari na mayroong kapangyarihan, at kaniyang lilipulin ang mga nakaligtas sa kanilang lungsod." 20 At tiningnan ni Balaam si Amalek at sinimulan ang kaniyang propesiya. Sinabi niya, " Si Amalek ay minsang naging pinakadakila sa mga bansa, ngunit pagkawasak ang kaniyang magiging huling hantungan." 21 At tumingin si Balaam sa mga Cineo at sinimulan niya ang kaniyang propesiya. Sinabi niya, "Ang lugar kung saan kayo nakatira ay matibay, at ang inyong mga pugad ay nasa loob ng mga bato. 22 Gayon pa man, si Kain ay mawawasak kapag binihag kayo ng Asiria." 23 Pagkatapos, sinimulan ni Balaam ang kaniyang pangwakas na propesiya. Sinabi niya, "Aba! Sino ang makakaligtas kapag ginawa ito ng Diyos? 24 Darating ang mga barko mula sa baybayin ng Kitim; Sasalakayin nila ang Asiria at sasakupin ang Eber, ngunit sila rin ay hahantong sa pagkawasak sa katapusan." 25 Pagkatapos tumayo si Balaam at umalis. Bumalik siya sa kanyang tahanan at umalis din si Balak.

Chapter 25

1 Nanatili ang Israel sa Sitim, at nagsimulang makipagtalik ang mga lalaki sa mga babae ng Moab, 2 sapagkat inaanyayahan ng mga Moabita ang mga tao sa mga pag-aalay sa kanilang mga diyos. Kaya kumain at yumukod ang mga tao sa mga diyos ng Moabita. 3 Sumali ang mga kalalakihan ng Israel sa pagsamba kay Baal ng Peor, at sumiklab ang galit ni Yahweh laban sa Israel. 4 Sinabi ni Yahweh kay Moises, "Patayin mo ang lahat ng pinuno ng mga tao at bitayin sila sa aking harapan upang ilantad sila sa liwanag ng araw, upang maalis ang aking matinding galit mula sa Israel." 5 Kaya sinabi ni Moises sa mga pinuno ng Israel, "Dapat patayin ang bawat isa sa inyo ang kaniyang mga taong sumama sa pagsamba kay Baal ng Peor." 6 Pagkatapos, dumating ang isa sa mga lalaki ng Israel at dinala sa mga miyembro ng kaniyang pamilya ang isang babaeng Midianita. Nangyari ito sa paningin ni Moises at sa lahat ng sambayanan ng Israel, habang umiiyak sila sa pasukan ng tolda ng pagpupulong. 7 Nang makita iyon ni Finehas na lalaking anak ni Eleazar na lalaking anak naman ni Aaron, na pari, tumayo siya mula sa sambayanan at humawak ng isang sibat. 8 Sinundan niya ang lalaking Israelita sa tolda at isinaksak ang sibat sa kapwa nilang katawan, sa lalaking Israelita at sa babae. Kaya natigil ang salot na ipinadala ng Diyos sa mga tao ng Israel. 9 Dalawampu't apat na libo ang bilang ng mga namatay sa pamamagitan ng salot. 10 Nagsalita si Yahweh kay Moises at sinabi, 11 "Inalis ni Finehas na lalaking anak ni Eleazar na lalaking anak naman ni Aaron, na pari, ang aking galit sa mga tao ng Israel dahil mapusok siya sa aking adhikain sa kanila. Kaya hindi ko nilipol ang mga tao ng Israel sa aking matinding galit. 12 Kaya sabihin mo, 'sabi ni Yahweh, "Tingnan mo, ibinibigay ko kay Finehas ang aking kasunduan ng kapayapaan. 13 Para sa kaniya at sa kaniyang mga kaapu-apuhang kasunod niya, ito ang magiging isang kasunduan ng isang walang hanggang pagkapari dahil masigasig siya para sa akin, na kaniyang Diyos. Nagbayad siya ng kasalanan para sa mga tao ng Israel."'' 14 Ngayon ang pangalan ng lalaking Israelitang napatay kasama ng babaeng Midianita ay si Zimri na anak ni Salu, isang pinuno ng isang pamilya mula sa ninuno ng mga Simeonita. 15 Si Cozbi ang pangalan ng babaeng Midianitang pinatay na babaeng anak ni Zur, pangulo ng isang tribu at pamilya sa Midian. 16 Kaya nagsalita si Yahweh kay Moises at sinabi, 17 "Ituring mong kaaway ang mga Midianita at lusubin sila, 18 sapagkat itinuring nila kayong katulad ng mga kaaway sa pamamagitan ng kanilang panlilinlang. Pinangunahan nila kayo sa kasamaan tungkol kay Peor at tungkol sa kanilang kapatid na babaeng si Cozbi, ang babaeng anak ng isang pinuno sa Midian, na pinatay sa araw ng salot dahil kay Peor."

Chapter 26

1 At nangyari na pagkatapos ng salot, nagsalita si Yahweh kay Moises at kay Eleazar na anak ni Aaron na pari. Sinabi niya, 2 "Bilangin ninyo ang buong sambayanan ng Israel, mula labindalawang taong gulang pataas, ayon sa pamilya ng kanilang mga ninuno, lahat ng may kakayahang makipagdigma para sa Israel." 3 Kaya nagsalita sina Moises at Eleazar na pari sa kanila sa mga kapatagan ng Moab sa tabi ng Jordan at Jerico at sinabi, 4 "Bilangin ninyo ang mga tao, mula labindalawang taong gulang pataas, ayon sa iniutos ni Yahweh kay Moises at sa mga tao ng Israel, na lumabas mula sa lupain ng Ehipto." 5 Si Ruben ay ang panganay ni Israel. Mula sa kaniyang anak na si Hanoc nagmula ang angkan ng mga Hanocitas. Mula kay Palu nagmula ang mga angkan ng mga Paluita. 6 Mula kay Hesron nagmula ang angkan ng mga Hesronita. Mula kay Carmi nagmula ang angkan ng mga Carmita. 7 Ito ang mga angkan ng mga kaapu-apuhan ni Ruben, na may bilang 43, 730 na kalalakihan. 8 Si Eliab ay isang anak ni Palu. 9 Ang mga anak na lalaki ni Eliab ay sina Nemuel, Datan at Abiram. Ito ay ang parehong Datan at Abiram na sumunod kay Kora nang subukin nila si Moises at umaklas laban kay Yahweh. 10 Ibinuka ng lupa ang bibig nito at nilamon sila kasama si Kora nang mamatay ang lahat na kaniyang tagasunod. Sa panahong iyon, nilamon ng apoy ang 250 na kalalakihan, na naging isang babalang tanda. 11 Ngunit hindi namatay ang kaapu-apuhan ni Kora. 12 Ito ang mga angkan ng mga kaapu-apuhan ni Simeon: Kay Nemuel, ang angkan ng mga Nemuelita, kay Jamin, ang angkan ng mga Jaminita, kay Jaquin, ang angkan ng mga Jaquinita, 13 kay Zerah, ang angkan ng mga Zeraita, kay Saul, ang angkan ng mga Saulita. 14 Ito ang mga angkan ng mga kaapu-apuhan ni Simeon, na may bilang 22, 200 na kalalakihan. 15 Ito ang mga angkan ng mga kaapu-apuhan ni Gad: kay Zefon, ang angkan ng mga Zefonita, kay Hagai, ang angkan ng mga Hagaita, kay Suni na angkan ng mga Sunita, 16 kay Ozni na angkan ng mga Oznita, kay Eri, ang angkan ng mga Erita, 17 kay Arod, ang angkan ng mga Arodita, kay Areli, ang angkan ng mga Arelita. 18 Ito ang mga angkan ng mga kaapu-apuhan ni Gad, na may bilang 40, 500 na kalalakihan. 19 Sina Er at Onan ang mga anak na lalaki ni Juda, ngunit namatay ang mga lalaking ito sa lupain ng Canaan. 20 Ito ang mga angkan ng ibang mga kaapu-apuhan ni Juda: kay Sela, ang angkan ng mga Selanita, kay Perez, ang angkan ng mga Perezita, at kay Zera, ang angkan ng mga Zeraita. 21 Ito ang mga kaapu-apuhan ni Perez: kay Hezron, ang angkan ng mga Hesronita, kay Hamul, ang angkan ng mga Hamulita. 22 Ito ang mga angkan ng mga kaapu-apuhan ni Juda, na may bilang 76, 500 na kalalakihan. 23 Ito ang mga angkan ng mga kaapu-apuhan ni Isacar: kay Tola, ang angkan ni Tolaita, kay Pua, ang angkan ni Puanita, 24 kay Jasub, ang angkan ng mga Jasubita, kay Simron, ang angkan ng mga Simronita. 25 Ito ang mga angkan ni Isacar, na may bilang 64, 300 na kalalakihan. 26 Ito ang mga angkan ng mga kaapu-apuhan ni Zebulon: kay Sered, ang angkan ng mga Seredita, kay Elon, ang angkan ng mga Elonita, kay Jaleel, ang angkan ng mga Jalelita. 27 Ito ang mga angkan ng mga Zaebulonita, na may bilang 60, 500 na kalalakihan. 28 Ang mga angkan ng mga kaapu-apuhan ni Jose ay sina Manases at Efraim. 29 Ito ang mga kaapu-apuhan ni Manases: kay Maquir, ang angkan ng mga Maquirita (si Maquir ang ama ni Galaad), kay Galaad, ang angkan ng mga Galaadita. 30 Ito ang mga kaapu-apuhan ni Galaad: kay Iezer, ang angkan ng mga Iezerita, kay Helec, ang angkan ng mga Helecita, 31 kay Asriel, ang angkan ng mga Asrielita, kay Shekem, ang angkan ng mga Shekemita, 32 kay Semida, ang angkan ng mga Semidaita, kay Hefer, ang angkan ng mga Heferita. 33 Si Zelofehad na anak na lalaki ni Hefer ay walang anak na lalaki, kundi mga anak na babae lamang. Ang pangalan ng kaniyang mga anak na babae ay sina Mahla, Noe, Hogla, Milca at Tirza. 34 Ito ang mga angkan ni Manases, na may bilang na 52, 700 na kalalakihan. 35 Ito ang mga angkan ng mga kaapu-apuhan ni Efraim: kay Sutela, ang angkan ng mga Sutelita, kay Bequer, ang angkan ng mga Bequerita, kay Tahan, ang angkan ng mga Tahanita. 36 Ang mga kaapu-apuhan ni Sutela ay sina, kay Eran, ang angkan ng mga Eranita. 37 Ito ang mga angkan ng mga kaapu-apuhan ni Efraim, na may bilang 32, 500 na kalalakihan. Ito ang mga kaapu-apuhan ni Jose, na naibilang sa kanilang bawat angkan. 38 Ito ang mga angkan ng mga kaapu-apuhan ni Benjamin: kay Bela, ang angkan ng mga Belaita, kay Asbel, ang angkan ng mga Asbelita, kay Ahiram, ang angkan ng mga Ahiramita, 39 kay Sufam, ang angkan ng mga Sufamita, kay Hufam, ang angkan ng mga Hufamita. 40 Ang mga anak na lalaki ni Bela ay sina Ard at Naaman. Mula kay Ard nagmula ang angkan ng mga Ardita, at mula kay Naaman nagmula ang angkan ng mga Naamita. 41 Ito ang mga angkan ng mga kaapu-apuhan ni Benjamin. Sila ay may bilang na 45, 600 na kalalakihan. 42 Ito ang mga angkan ng mga kaapu-apuhan ni Dan, kay Suham, ang mga angkan ng mga Suhamita. Ito ang mga angkan ng mga kaapu-apuhan ni Dan. 43 Lahat ng mga angkan ng Suhamita, na may bilang na 64, 400 na kalalakihan. 44 Ito ang mga angkan ng mga kaapu-apuhan ni Aser: kay Imna, ang angkan ng mga Imnita, kay Isvi, ang angkan ng mga Isvita, kay Beria, ang angkan ng mga Berita. 45 Ang mga kaapu-apuhan ni Beria ay ang mga ito: kay Heber, ang angkan ng mga Heberita, kay Malquiel, ang angkan ng mga Malquielita. 46 Ang pangalan ng anak na babae ni Aser ay si Sera. 47 Ito ang mga angkan ng mga kaapu-apuhan ni Aser, na may bilang 53, 400 na kalalakihan. 48 Ito ang mga angkan ng mga kaapu-apuhan ni Neftali: kay Jahzeel, ang angkan ng mga Jahzeelita, kay Guni, ang angkan ng mga Gunita, 49 kay Jezer, ang angkan ng mga Jezerita, kay Silem, ang angkan ng mga Silemita. 50 Ito ang mga angkan ng mga kaapu-apuhan ni Neftali, na may bilang 45, 400 na kalalakihan. 51 Ito ang kabuuang bilang ng mga kalalakihan ng mga tao ng Israel: 601, 730. 52 Nagsalita si Yahweh kay Moises at sinabi, 53 "Dapat ninyong hatiin ang lupain sa mga kalalakihang ito bilang mana ayon sa bilang ng kanilang mga pangalan. 54 Sa mas malaking mga angkan day apat mong bigyan ng mas malaking mana, at sa mas maliit na mga angkan dapat mong bigyan ng mas maliit na mana. Dapat mong bigyan ng isang mana ang bawat pamilya ayon sa bilang ng mga kalalakihan na nabilang. 55 Gayunpaman, dapat hatiin ang lupain sa pamamagitan ng palabunutan. Dapat nilang manahin ang lupain habang hinahati ito sa mga tribu ng kanilang mga ninuno. 56 Dapat hatiin ang kanilang mana sa mas malaki at mas maliit na angkan, na ipamamahagi sa kanila sa pamamagitan ng palabunutan." 57 Ito ang mga angkan ng Levita na nabilang angkan sa angkan: kay Gerson, ang angkan ng mga Gersonita, kay Kohat, ang angkan ng mga Kohatita, kay Merari, ang angkan ng mga Merarita. 58 Ito ang mga angkan ni Levi: ang angkan ng mga Libnita, ang angkan ng mga Hebronita, ang angkan ng mga Mahlita, ang angkan ng mga Musita, at ang angkan ng mga Koraita. Si Kohat ang ninuno ng Amram. 59 Ang pangalan ng asawa ni Amram ay si Jocebed, isang kaapu-apuhan ni Levi, na ipinanganak sa mga Levita sa Ehipto. Isinilang niya kay Amram ang kanilang mga anak na sina Aaron, Moises at Miriam na kanilang kapatid na babae. 60 Kay Aaron ipinanganak si Nadab at Abihu, Eleazar at Itamar. 61 Namatay sina Nadab at Abihu nang maghandog sila sa harap ni Yahweh ng hindi katanggap-tanggap na apoy. 62 Ang mga lalaking nabilang sa nila ay may bilang na 23, 000, lahat ng mga lalaking isang buwang gulang pataas. Ngunit hindi sila kabilang sa mga kaapu-apuhan ng Israel sapagkat walang pamana na ibinigay sa kanila ng mga tao ng Israel. 63 Ito ang mga taong nabilang nina Moises at Eleazar na Pari. Binilang nila ang mga tao ng Israel sa mga kapatagan ng Moab sa tabi ng Jordan sa Jerico. 64 Ngunit sa mga ito walang taong nabilang sina Moises at Aaron na pari nang bilangin nila ang mga kaapu-apuhan ng Israel sa ilang ng Sinai. 65 Sapagkat sinabi ni Yahweh na ang lahat ng mga taong iyon ay tiyak na mamamatay sa ilang. Walang isang taong natira kasama nila, maliban kina Caleb na anak ni Jefune at Josue na anak ni Nun.

Chapter 27

1 At nagpunta kay Moises ang mga anak na babae ni Zelofehad na anak na lalaki ni Hefer na anak na lalaki ni Galaad na anak na lalaki ni Maquir na anak na lalaki ni Manases, mula sa mga angkan ni Manases na anak na lalaki ni Jose. Ito ang mga pangalan ng kaniyang mga anak na babae: Mahla, Noe, Hogla, Milca, at Tirsa. 2 Tumayo sila sa harapan nina Moises, Eleazar na pari, sa mga pinuno, at sa harapan ng lahat ng mga komunidad sa pasukan ng tolda ng pagpupulong. Sinabi nila, 3 "Namatay ang aming ama sa ilang. Hindi siya kasama sa mga nagtipun-tipon laban kay Yahweh sa samahan ni Kora. Namatay siya sa kaniyang sariling kasalanan; ang kasalanan niya ang dahilan kung bakit siya namatay. 4 Bakit kailangang mawala ang pangalan ng aming ama mula sa buong miyembro ng kaniyang angkan, dahil ba wala siyang anak na lalaki? Bigyan mo kami ng lupain mula sa mga kamag-anak ng aming ama." 5 Kaya dinala ni Moises kay Yahweh ang kanilang kahilingan. 6 Nagsalita si Yahweh kay Moises at sinabi, 7 "Tama ang sinasabi ng mga anak na babae ni Zelofehad. Dapat mo silang bigyan ng lupain bilang isang mana mula sa lahat ng kamag-anak ng kanilang ama, at dapat mong tiyakin na ang mana ng kanilang ama ay maipapasa sa kanila. 8 Dapat kang magsalita sa mga tao ng Israel at sabihin, 'Kung mamatay man ang isang tao at walang anak na lalaki, dapat ninyong ipasa ang kaniyang mana sa kaniyang anak na babae. 9 Kung wala siyang anak na babae, dapat ninyong ibigay ang kaniyang mana sa kaniyang mga kapatid na lalaki. 10 Kung wala siyang mga kapatid na lalaki, dapat ninyong ibigay ang kanyang mana sa mga lalaking kapatid ng kaniyang ama. 11 Kung walang kapatid na lalaki ang kaniyang ama, dapat ninyong ibigay ang kaniyang mana sa kaniyang malapit na kamag-anak sa kaniyang angkan, at dapat niya itong kunin para sa kaniyang sarili. Ito ay magiging isang batas na itatatag para sa mga tao ng Israel, ayon sa iniutos ni Yahweh sa akin.'" 12 Sinabi ni Yahweh kay Moises, "Akyatin mo ang mga bundok ng Abarim at tingnan ang lupain na ibinigay ko sa mga tao ng Israel. 13 Pagkatapos mong makita ito, ikaw din ay dapat maitipon sa iyong mga tao, tulad ng iyong kapatid na si Aaron. 14 Mangyayari ito sapagkat kayong dalawa ay naghimagsik laban sa aking utos sa ilang ng Sin. Nang umapaw ang tubig mula sa bato roon, dahil sa iyong galit, nabigo kang igalang ako bilang isang banal sa harap ng mga mata ng buong sambayanan." Ito ang mga tubig sa Meriba ng Kades sa ilang ng Sin. 15 Pagkatapos, nagsalita si Moises kay Yahweh at sinabi, 16 "Nawa, Yahweh, ang Diyos ng espiritu ng lahat ng sangkatauhan, magtalaga ka ng isang tao sa buong sambayanan, 17 isang taong maaaring makalabas at makapasok sa harap nila at pangunahan sila palabas at dalhin sila papasok, upang hindi matulad ang iyong sambayanan sa isang tupang walang pastol." 18 Sinabi ni Yahweh kay Moises, "Kunin mo si Josue na anak na lalaki ni Nun, isang lalaking pinananahan ng aking Espiritu at ipatong mo ang iyong kamay sa kaniya. 19 Dalhin mo siya sa harapan ni Eleazar na pari at sa harap sa lahat ng sambayanan at utusan siya sa harap ng kanilang mga mata na pangunahan sila. 20 Dapat mong ilagay sa kaniya ang ilan sa iyong kapangyarihan, upang ang lahat ng sambayanan ng mga tao ng Israel ay susunod sa kaniya. 21 Pupunta siya sa harapan ni Eleazar na pari upang hingin ang aking kalooban sa mga desisyon sa Urim para sa kaniya. Ito ay magiging kaniyang mga utos na ang mga tao ay lalabas at papasok, siya at ang lahat ng mga tao ng Israel na kasama niya, ang buong sambayanan." 22 Kaya sumunod ni Moises ayon sa utos sa kaniya ni Yahweh. Kinuha niya si Josue at dinala sa harapan ni Eleazar na pari at sa lahat ng sambayanan. 23 Ipinatong niya ang kaniyang kamay sa kaniya at inutusan siyang manguna, ayon sa iniutos sa kaniya ni Yahweh na gawin niya.

Chapter 28

1 Nagsalita si Yahweh kay Moises at sinabi, 2 "Utusan mo ang mga tao ng Israel at sabihin sa kanila, 'Dapat ninyong ialay ang inyong mga handog sa akin sa mga itinakdang panahon, ang pagkain ng aking mga handog na ipinaraan sa apoy upang magbigay ng isang mabangong halimuyak para sa akin.' 3 Dapat mo ring sabihin sa kanila, 'Ito ang alay na ipinaraan sa apoy na dapat mong ihandog kay Yahweh—mga lalaking tupa na isang taong gulang na walang kapintasan, dalawa bawat araw, bilang isang karaniwang alay na susunugin. 4 Dapat mong ihandog ang isang tupa sa umaga, at dapat mong ihandog ang ibang tupa sa gabi. 5 Dapat mong ihandog ang ikasampu ng epa ng pinong harina bilang isang handog na butil, hinaluan ng ikaapat ng isang hin ng hinalong langis. 6 Ito ay karaniwang alay na susunugin na inutos sa Bundok Sinai upang magbigay ng isang matamis na halimuyak, isang handog na ipinaraan sa apoy para kay Yahweh. 7 Ang inuming handog na kasama nito ay dapat maging ika-apat ng isang hin para sa isa sa mga tupa. Dapat ninyong ibuhos sa banal na lugar ang inuming handog ng matapang na inumin kay Yahweh. 8 Dapat ninyong ihandog ang isang tupa sa gabi kasama ang iba pang handog na butil tulad ng isang inihandog sa umaga. Dapat ninyong ihandog din ang isa pang inuming handog kasama nito, isang handog na ipinaraan sa apoy, upang magbigay ng isang mabangong halimuyak para kay Yahweh. 9 Sa Araw ng Pamamahinga dapat ninyong ihandog ang dalawang lalaking tupa, bawat isang taong gulang na walang kapintasan, at dalawa sa ikasampu ng isang epa ng pinong harina bilang isang handog na pagkaing butil, na hinaluan ng langis, at ang inuming handog kasama nito. 10 Ito ay ang alay na susunugin para sa bawat Araw ng Pamamahinga, bilang karagdagan sa karaniwang alay na susunugin at ang inuming handog na kasama nito. 11 Sa simula ng bawat buwan, dapat kayong mag-alay ng isang handog na susunugin kay Yahweh. Dapat kayong mag-alay ng dalawang batang toro, isang tupang lalaki, at pitong lalaking tupa na isang taong gulang na walang kapintasan. 12 Dapat din kayong maghandog ng tatlo sa ikasampu ng isang epa ng pinong harina bilang isang handog na butil na hinaluan ng langis para sa bawat toro, at dalawa sa ikasampu ng pinong harina bilang isang handog na butil na hinaluan ng langis para sa bawat lalaking tupa. 13 Dapat din ninyong ihandog ang isang ikasampu ng isang epa ng pinong harina na hinaluan ng langis bilang isang handog na butil para sa bawat tupa. Ito ay magiging alay na susunugin, upang magbigay ng isang mabangong halimuyak, isang handog na ipinaraan sa apoy para kay Yahweh. 14 Dapat maging kalahati ng isang hin ng alak ang mga inuming handog ng mga tao para sa isang toro, ang ikatlo ng isang hin para sa isang lalaking tupa, at ikaapat ng isang hin para sa isang batang tupa. Ito ay magiging alay na susunugin para sa bawat buwan sa bawat buwan ng taon. 15 Isang lalaking kambing bilang isang alay para sa kasalanan ang dapat ihandog kay Yahweh. Magiging karagdagan ito sa karaniwang alay na susunugin at ang inuming handog na kasama nito. 16 Sa unang buwan, sa ikalabing-apat na araw ng buwan, dumadating ang Paskua ni Yahweh. 17 Idinadaos ang pista sa ikalabing limang araw ng buwang ito. Sa loob ng pitong araw, dapat kainin ang tinapay na walang lebadura. 18 Sa unang araw, dapat magkaroon ng isang banal na pagpupulong upang parangalan si Yahweh. Hindi ninyo dapat gawin ang karaniwang gawain sa araw na iyon. 19 Gayunman, dapat kayong mag-alay ng isang handog na ipinaraan sa apoy, isang alay na susunugin para kay Yahweh. Dapat kayong mag-alay ng dalawang batang toro, isang lalaking tupa, at pitong lalaking tupa na isang taong gulang, na walang kapintasan. 20 Kasama ng toro, dapat kayong mag-alay ng isang handog na butil ng tatlo sa ikasampu ng epa ng pinong harina na hinaluan ng langis, at kasama ng lalaking tupa, ang dalawa sa ikasampu. 21 Sa bawat pitong tupa, dapat kayong maghandog ng isang ikasampu ng isang epa ng pinong harina na hinaluan ng langis, 22 at isang lalaking kambing bilang alay para sa kasalanan upang maging pambayad sa kasalanan para sa inyong sarili. 23 Dapat ninyong ihandog ang mga ito bilang karagdagan sa karaniwang alay na susunugin na kinakailangan sa bawat umaga. 24 Gaya ng nailarawan dito, dapat kayong mag-alay ng mga handog na ito araw-araw, para sa pitong araw ng Paskua, ang pagkaing inihahandog ninyong ipinaraan sa apoy, isang mabangong halimuyak para kay Yahweh. Dapat itong ihandog bilang karagdagan sa karaniwang alay na susunugin at inuming handog kasama nito. 25 Sa ika-pitong araw, dapat kayong magkaroon ng isang banal na pagpupulong upang parangalan si Yahweh, at hindi ninyo dapat gawin ang karaniwang gawain sa araw na iyon. 26 At saka sa araw ng mga unang bunga, kapag maghandog kayo ng isang bagong handog na butil kay Yahweh sa inyong Pagdiriwang ng mga Linggo, dapat magkaroon kayo ng isang banal na pagpupulong upang parangalan si Yahweh, at hindi ninyo dapat gawin ang karaniwang gawain sa araw na iyon. 27 Dapat kayong mag-alay ng isang handog na susunugin upang magbigay ng isang mabangong halimuyak para kay Yahweh. Dapat kayong mag-alay ng dalawang batang toro, isang lalaking tupa, at pitong lalaking tupang isang taong gulang. 28 Maghandog din kayo ng handog na butil kasama ng mga ito: pinong harina na hinaluan ng langis, tatlo sa ikasampu ng isang epa ng pinong harinang hinaluan ng langis para sa bawat toro at dalawa sa ikasampu para sa isang lalaking tupa. 29 Mag-alay kayo ng isang ikasampu ng isang epa ng pinong harinang hinaluan ng langis para sa bawat pitong tupa, 30 at isang lalaking kambing upang maging pambayad kasalanan para sa inyong mga sarili. 31 Kapag mag-aalay kayo ng ganitong mga hayop na walang kapintasan, kasama ng kanilang inuming handog, dapat itong maging karagdagan sa karaniwang alay na susunugin at ang handog na butil kasama nito."

Chapter 29

1 "Sa ikapitong buwan, sa unang araw ng buwan, dapat magkaroon kayo ng isang banal na pagpupulong upang parangalan si Yahweh. Hindi kayo dapat gumawa ng karaniwang gawain sa araw na iyon. Ito ay magiging isang araw kung kailan hihipan ninyo ang mga trumpeta. 2 Dapat kayong mag-alay ng isang susunuging handog upang magbigay ng isang mabangong halimuyak para kay Yahweh. Dapat kayong mag-alay ng isang batang toro, isang lalaking tupa, at pitung lalaking tupa tig-iisang taong gulang, bawat isang walang kapintasan. 3 Dapat kayong mag-alay kasama ng mga iyon ng kanilang handog na butil, pinong harinang hinaluan ng langis, tatlo sa sampung bahagi ng isang epa para sa toro, dalawa sa sampung bahagi para sa lalaking tupa, 4 at isa sa sampung bahagi ng bawat tupa sa pitong tupa. 5 At dapat kayong mag-alay ng isang lalaking kambing para sa handog ng pambayad ng inyong sariling kasalanan. 6 Ialay ninyo ang mga handog na ito sa ikapitong buwan bilang karagdagan sa lahat ng mga alay na inyong iaalay sa unang araw ng bawat buwan: ang natatanging alay na susunugin at ang handog na butil kasama nito. Dapat karagdagan ang mga ito sa karaniwang alay na susunugin, ang mga handog na butil nito, at ang mga inuming handog. Habang ginagawa ninyo ng mga handog na ito, susundin ninyo kung ano ang inatas sa inyo upang magbigay ng isang mabangong halimuyak, isang handog na ipinaraan sa apoy para kay Yahweh. 7 Sa ikasampung araw ng ikapitong buwan, dapat magkaroon kayo ng isang banal na pagpupulong upang parangalan si Yahweh. Dapat kayong magpakumbaba at hindi magtrabaho. 8 Dapat kayong maghandog ng isang alay na susunugin upang magbigay ng isang mabangong halimuyak para kay Yahweh. Dapat kayong maghandog ng isang batang toro, isang lalaking tupa, at pitong lalaking tupa na tig-iisang taong gulang. Dapat walang kapintasan ang mga ito. 9 Dapat kayong maghandog kasama ng mga iyon ng isang handog na butil, pinong harinang hinaluan ng langis, tatlo sa sampung bahagi ng isang epa para sa toro, dalawa sa sampung bahagi para sa isang lalaking tupa, 10 at isa sa sampung bahagi ng isang epa para sa bawat isa sa pitong tupa. 11 Dapat kayong mag-alay ng isang lalaking kambing bilang isang handog para sa kasalanan. Bukod pa ito sa handog para sa kasalanan ng pagbabayad kasalanan, ang karaniwang handog na susunugin, at ang mga handog na butil, at mga inuming handog. 12 Sa ika labing limang araw ng ikapitong buwan dapat magkaroon kayo ng isang banal na pagpupulong upang parangalan si Yahweh. Hindi kayo dapat gumawa ng karaniwang gawain sa araw na iyon, at dapat ninyong ipagpatuloy ang pagdiriwang sa loob ng pitong araw para sa kaniya. 13 Dapat kayong maghandog ng isang handog na susunugin, isang alay na ipinaraan sa apoy para magbigay ng isang mabangong halimuyak para kay Yahweh. Dapat maghandog kayo ng labing tatlong batang toro, dalawang lalaking tupa, at labing-apat na lalaking tupa na tig-iisang taong gulang. Dapat walang kapintasan ang bawat isa. 14 Dapat kayong maghandog kasama ng mga iyon ng isang handog na butil, pinong harina na hinaluan ng langis, tatlo sa sampung bahagi ng isang epa para sa bawat toro ng labing tatlong toro, dalawa sa sampung bahagi para sa bawat lalaking tupa ng dalawang lalaking tupa, 15 at isa sa sampung bahagi ng isang epa para sa bawat isa sa labing apat na mga tupa. 16 Dapat maghandog kayo ng isang lalaking kambing bilang isang alay para sa kasalanan bukod pa sa karaniwang handog na susunugin, mga handog na butil, at inuming handog kasama nito. 17 Sa ikalawang araw ng pagpupulong, dapat maghandog kayo ng labindalawang batang toro, dalawang lalaking tupa, at labing apat na tupa na tig-iisang taong gulang bawat isa, na walang kapintasan. 18 Dapat gumawa kayo kasama ng mga iyon ng isang handog na butil at ang mga inuming handog para sa mga toro, para sa mga lalaking tupa, at para sa mga batang tupa, gagawa ng maraming handog gaya ng inutos. 19 Dapat kayong mag-handog ng isang lalaking kambing bilang isang handog para sa kasalananbukod pa sa karaniwang alay na susunugin, handog na butil, at kanilang mga inuming handog. 20 Sa ikatlong araw ng pagpupulong, dapat maghandog kayo ng labing-isang toro, dalawang lalaking tupa, at labing apat na lalaking tupang tig-iisang taong gulang, walang kapintasan ang bawat isa. 21 Dapat gawin kasama ng mga iyon ang isang handog na butil at mga inuming handog para sa mga toro, para sa mga lalaking tupa, at para sa mga batang tupa, gagawa ng maraming handog gaya ng inutos. 22 Dapat mag-handog kayo ng isang lalaking kambing bilang isang handog para sa kasalanan bukod pa sa karaniwang handog na susunugin, handog na butil, at mga inuming handog. 23 Sa ikaapat na araw ng pagpupulong, dapat maghandog kayo ng sampung toro, dalawang lalaking tupa, at labing apat na lalaking tupa na tig-iisang taong gulang, walang kapintsan ang bawat isa. 24 Dapat gumawa kayo kasama ng mga iyon ng isang handog na butil at mga inuming handog para sa mga toro, para sa mga lalaking tupa, at para sa mga batang tupa, gagawa ng maraming handog gaya ng inutos. 25 Dapat kayong maghandog ng isang kambing bilang isang handog para sa kasalanan bukod pa sa karaniwang handog na susunugin, mga handog na butil, at mga inuming handog. 26 Sa ikalimang araw ng pagpupulong, dapat maghandog kayo ng siyam na toro, dalawang lalaking tupa, at labing apat na lalaking tupang tig-iisang taong gulang, walang kapintasan ang bawat isa. 27 Dapat gumawa kayo kasama ng mga iyon ng isang handog na butil at ang inuming handog para sa mga toro, para sa mga lalaking tupa, at para sa mga batang tupa, gagawa ng maraming handog gaya ng inutos. 28 Dapat maghandog kayo ng isang lalaking kambing bilang handog para sa kasalanan bukod pa sa karaniwang handog na susunugin, mga handog na butil, at kanilang mga inuming handog. 29 Sa ikaanim na araw ng pagpupulong, dapat maghandog kayo ng walong toro, dalawang lalaking tupa, at labing-apat na lalaking tupa na tig-iisang taong gulang, walang kapintasan ang bawat isa. 30 Dapat gumawa kayo kasama nila ng isang handog na butil at mga inuming handog para sa mga toro, para sa mga lalaking tupa, at para sa mga batang tupa, gagawa ng maraming handog gaya ng inutos. 31 Dapat kayong maghandog ng isang lalaking kambing bilang isang handog para sa kasalanan bukod pa sa karaniwang handog na susunugin, mga handog na butil, at mga inuming handog. 32 Sa ikapitong araw ng pagpupulong, dapat maghandog kayo ng pitong toro, dalawang lalaking tupa, at labing apat na lalaking tupa na tig-iisang taong gulang, walang kapintasan ang bawat isa. 33 Dapat gumawa kayo kasama ng mga iyon ng isang handog na butil at inuming handog para sa mga toro, para sa mga lalaking tupa, at para sa mga batang tupa, gagawa ng maraming handog gaya ng inutos. 34 Dapat maghandog kayo ng isang lalaking kambing bilang isang handog para sa kasalanan bukod pa sa karaniwang handog na susunugin, mga butil ng handog, at kanilang mga inuming handog. 35 Sa ikawalong araw dapat magkaroon kayo ng isa pang mataimtim na pagpupulong. Hindi kayo dapat gumawa ng karaniwang gawain sa araw na iyon. 36 Dapat mag-alay kayo ng isang handog na susunugin, isang handog naipinaraan sa apoy upang magbigay ng mabangong halimuyak para kay Yahweh. Dapat kayong mag-alay ng isang toro, isang lalaking tupa, at pitong lalaking tupa na tig-iisang taong gulang, walang kapintasan ang bawat isa. 37 Dapat ninyong ihandog ang kanilang handog na butil at kanilang mga inuming handog para sa toro, para sa lalaking tupa, at para sa mga batang tupa, gagawa ng maraming handog gaya ng inutos. 38 Dapat maghandog kayo ng isang lalaking kambing bilang isang handog para sa kasalanan bukod pa sa karaniwang handog na susunugin, at kanilang mga inuming handog. 39 Ito ang dapat ninyong ihandog kay Yahweh sa inyong mga itinakdang pagdiriwang. Dapat ay karagdagan ang mga ito sa inyong mga panata at mga kusang handog. Dapat ihandog ninyo ang mga ito bilang inyong handog na susunugin, mga handog na butil, mga inuming handog, at handog para sa pagtitipon-tipon." 40 Sinabi ni Moises sa mga tao ng Israel ang lahat ng bagay na inutos ni Yahweh na kaniyang sabihin.

Chapter 30

1 Nagsalita si Moises sa mga pinuno ng mga tribu ng mga tao ng Israel. Sinabi niya, "Ito ang inutos ni Yahweh. 2 Kapag gumawa ng panata ang sinuman kay Yahweh, o sumumpa ng isang panunumpa upang itali ang kaniyang sarili sa pamamagitan ng isang pangako, hindi niya dapat sirain ang kaniyang salita. Dapat niyang tuparin ang kaniyang pangako na gawin ang lahat ng bagay na lumabas sa kaniyang bibig. 3 Kapag gumawa ng isang panata kay Yahweh ang isang dalagang naninirahan sa bahay ng kaniyang ama at itali niya ang kaniyang sarili sa pamamagitan ng isang pangako, 4 kung marinig ng kaniyang ama ang panata at pangako kung saan itinali niya sa kaniyang sarili, at kung wala siyang sasabihin para baligtarin ito, ang lahat niyang panata ay mananatiling mabisa. Mananatiling mabisa ang bawat pangako kung saan itinali niya sa kaniyang sarili. 5 Subalit kung marinig ng kaniyang ama ang tungkol sa kaniyang panata at pangako, at kung wala siyang sasabihin sa kaniya, ipapatupad ang lahat ng panata at pangakong itinali niya sa kaniyang sarili. 6 Gayunman, kung marinig ng kaniyang ama ang lahat ng panatang ginawa niya at ang mga taimtim na pangako niya kung saan ibinigkis niya sa kaniyang sarili, at kung mananaig siya sa kaniya sa araw ding iyon, hindi ipapatupad ang mga iyon. Patatawarin siya ni Yahweh dahil nanaig sa kaniya ang kaniyang ama. 7 Kung magpapakasal siya sa isang lalaki habang nasa ilalim ng mga panatang iyon, o kung gumawa siya ng mga mapangahas na pangako kung saan pinananagot niya ang kaniyang sarili, ipapatupad ang mga pananagutang iyon. 8 Subalit kung pipigilan siya ng kaniyang asawa sa araw na narinig niya ang tungkol dito, at pinapawalang bisa niya ang panatang ginawa niya, ang mapangahas na pananalita ng kaniyang labi kung saan ibinigkis niya sa kaniyang sarili. Palalayain siya ni Yahweh. 9 Subalit para sa isang balo o babaeng hiniwalayan ng asawa, lahat ng bagay kung saan ibinigkis niya ang kaniyang sarili ay ipapatupad laban sa kaniya. 10 At kung gumawa ng panata ang isang babaeng nasa pamilya ng kaniyang asawa—kung ibigkis niya ang kaniyang sarili sa pamamagitan ng pangakong may panunumpa, 11 at marinig ito ng kaniyang asawa ngunit walang sasabihin sa kaniya—kung hindi niya ipapawalang bisa ang kaniyang panata, dapat ipatupad ang lahat ng panata niya. Ipapatupad ang bawat pangako kung saan ibinigkis niya ang kaniyang sarili. 12 Subalit kung ipapawalang bisa ng kaniyang asawa ang mga iyon sa araw na narinig niya ang tungkol sa mga iyon, hindi ipapatupad anuman ang lalabas sa kaniyang bibig tungkol sa mga panata o pangako niya. Pinawalang bisa ng kanyang asawa ang mga iyon. Palalayain siya ni Yahweh. 13 Bawat panata o panunumpang ginagawa ng isang babae na nagbibigkis sa kaniya upang pagkaitan ang kaniyang sarili ng isang bagay ay maaaring pagtibayin or ipawalang bisa ng kaniyang asawa. 14 Subalit kung wala siyang sinabing anuman sa kaniya sa paglipas ng mga araw, pinagtitibay niya ang lahat niyang panata at nagbibigkis na mga pangakong ginawa niya. Pinagtibay niya ang mga iyon dahil wala siyang sinabi sa oras na narinig niya ang tungkol sa mga iyon. 15 At kung susubuking ipawalang bisa ng kaniyang asawa ang panata ng asawang babae paglipas ng mahabang panahon matapos niyang marinig ang tungkol dito, mananagot siya para sa kaniyang kasalanan." 16 Ito ang mga batas na inutos ni Yahweh na ipahayag ni Moises—mga batas sa pagitan ng isang lalaki at kaniyang asawa at sa pagitan ng ama at kaniyang anak na babae kapag nasa kabataan siya sa pamilya ng kaniyang ama.

Chapter 31

1 Nagsalita si Yahweh kay Moises at sinabi, 2 "Ipaghiganti mo ang mga tao ng Israel laban sa mga Midianita. Matapos mong gawin iyon, mamamatay ka at maititipon sa iyong mga tao." 3 Kaya nagsalita si Moises sa mga tao. Sinabi niya, "Bigyan ng sandata ang ilan sa inyong kalalakihan para sa digmaan upang lumaban sa Midian at ipatupad ang paghihiganti ni Yahweh rito. 4 Dapat magpadala ang bawat tribu sa buong Israel ng isang libong kawal sa digmaan." 5 Kaya mula sa libu-libong kalalakihan ng Israel, nagpadala ng isang libo mula sa bawat tribu para sa digmaan, labindalawang libong kalalakihan lahat. 6 Pagkatapos, ipinadala sila ni Moises sa labanan, isang libo mula sa bawat tribu, kasama si Finehas na anak ni Eleazar na pari, at ilang kagamitan mula sa banal na lugar at mga trumpetang pag-aari niya para sa pagpapatunog ng mga hudyat. 7 Nakipaglaban sila sa Midian, ayon sa inutos ni Yahweh kay Moises. Pinatay nila ang bawat lalaki. 8 Pinatay nila ang mga hari ng Midian kasama ng ibang mga napatay nila: sina Evi, Rekem, Zur, Hur, at Reba, ang limang hari ng Midian. Pinatay rin nila si Balaam na anak ni Beor, sa pamamagitan ng espada. 9 Binihag ng hukbo ng Israel ang mga kababaihan ng Midian, kasama ang kanilang mga anak, lahat ng baka, lahat ng kawan, at lahat ng kanilang mga kagamitan. Kinuha nila ang mga ito bilang pandarambong. 10 Sinunog nila ang lahat nilang lungsod kung saan sila nanirahan at lahat ng kanilang kampo. 11 Dinala nila lahat ng kanilang nadambong at mga bihag, kapwa mga tao at mga hayop. 12 Dinala nila ang mga bilanggo, ang dambong, at ang mga nakuhang bagay kay Moises, kay Eleazer na pari, at sa sambayanan ng mga tao ng Israel. Dinala nila ang mga ito sa kampo sa kapatagan ng Moab, sa bandang Jordan malapit sa Jerico. 13 Sinalubong sila nina Moises, Eleazar na pari at ng lahat ng mga pinuno ng sambayanan sa labas ng kampo. 14 Subalit nagalit si Moises sa mga opisyal ng hukbo at sa mga mga pinuno ng libu-libo at kapitan ng daan-daan, na nanggaling sa labanan. 15 Sinabi ni Moises sa kanila, "Hinayaan ba ninyong mabuhay ang mga babae? 16 Masdan ninyo, ang mga babaeng ito, sa pamamagitan ng payo ni Balaam, ang nagdulot sa mga tao ng Israel na magkasala laban kay Yahweh sa usapin ng Peor, nang lumaganap ang salot sa sambayanan ni Yahweh. 17 Kaya ngayon, patayin ninyo ang mga batang lalaki, at patayin ang bawat babaeng nakipagtalik na sa isang lalaki. 18 Ngunit kunin para sa inyong sarili ang mga dalagang hindi pa nakipagtalik sa isang lalaki. 19 Dapat kayong magkampo sa labas ng kampo ng Israel sa loob ng pitong araw. Lahat kayong nakapatay ng sinuman o nakahawak ng anumang patay na tao—dapat gawing dalisay ang inyong sarili sa ikatlo at ikapitong araw—kayo at ang mga bihag ninyo. 20 At gawing dalisay para sa inyong sarili ang bawat kasuotan, lahat ng bagay na gawa sa balat ng hayop at balahibo ng kambing, at lahat ng bagay na gawa sa kahoy." 21 Pagkatapos sinabi ni Eleazar na pari sa mga kawal na nagpunta sa digmaan, "Ito ang mga batas na ibinigay ni Yahweh kay Moises: 22 Ang ginto, pilak, tanso, bakal, lata, at tingga, 23 at lahat ng bagay na hindi nasusunog sa apoy, dapat ninyong padaanin sa apoy, at magiging mailinis ito. Dapat ninyong gawing dalisay ang mga ito sa tubig na panlinis. Anumang hindi makakaraan sa apoy ay dapat ninyong linisin sa pamamagitan ng tubig na iyon. 24 At dapat ninyong labhan ang inyong mga damit sa ikapitong araw at sa gayon magiging malinis kayo. Pagkatapos nito, maaari na kayong pumasok sa kampo ng Israel." 25 Pagkatapos, nagsalita si Yahweh kay Moises at sinabi, 26 "Bilangin mo ang lahat ng kinuhang bagay na dinambong, kapwa mga tao at mga hayop. Ikaw, si Eleazar na pari, at ang mga pinuno ng sambayanan ng mga angkan ng mga ninuno 27 dapat ninyong hatiin ang mga dinambong sa dalawang bahagi. Hatiin ang mga iyon sa pagitan ng mga kawal na pumunta sa labanan at sa buong sambayanan. 28 At magpataw ng buwis para ibigay sa akin mula sa mga kawal na nagpunta sa labanan. Ang buwis na ito ay dapat isa sa bawat limandaan, maging mga tao, baka, asno, tupa o kambing. 29 Kunin ang buwis na ito mula sa kanilang bahagi at ibigay ito kay Eleazar na pari bilang isang handog na idudulog sa akin. 30 Gayundin mula sa bahagi ng mga tao ng Israel, dapat kayong kumuha ng isa sa bawat limampu—mula sa mga tao, baka, asno, tupa, at kambing. Ibigay ninyo ang mga ito sa mga Levitang nangangalaga ng aking tabernakulo." 31 Kaya ginawa nina Moises at Eleazar ayon sa inutos ni Yahweh kay Moises. 32 Ngayon, ang natirang dambong na kinuha ng mga kawal ay 675, 000 na tupa, 33 72, 000 na lalaking baka, 34 61, 000 na asno, at 35 32, 000 na kababaihang hindi pa kailanman nakipagtalik sa sinumang lalaki. 36 Ang hating itinabi para sa mga sundalo ay may bilang na 337, 000 na tupa. 37 Ang bahagi ng tupa para kay Yahweh ay 675. 38 Talumpu't anim na libo ang lalaking baka kung saan 72 ang buwis ni Yahweh. 39 Ang mga asno ay 30, 500 mula sa 61 na bahagi ni Yahweh. 40 Ang mga tao ay labing-anim na libong kababaihan kung saan 32 ang buwis ni Yahweh. 41 Kinuha ni Moises ang buwis na magiging handog na idudulog kay Yahweh. Ibinigay niya ito kay Eleazar na pari, ayon sa inutos ni Yahweh kay Moises. 42 Para sa hati ng mga tao ng Israel na kinuha ni Moises mula sa mga kawal na nakapunta sa digmaan— 43 ang hati ng sambayanan ay 337, 500 na tupa, 44 talumpu't anim na libong lalaking baka, 45 30, 500 na asno, 46 at labing-anim na libong kababaihan. 47 Mula sa hati ng mga tao ng Israel, kumuha si Moises ng isa sa bawat limampu, kapwa mga tao at mga hayop. Ibinigay niya ang mga iyon sa mga Levitang nangangalaga sa tabernakulo ni Yahweh, gaya ng inutos ni Yahweh na gawin niya. 48 Pagkatapos, lumapit kay Moises ang mga opisyal ng hukbo, mga pinuno ng libu-libo at mga kapitan ng daan-daan. 49 Sinabi nila sa kaniya, "Binilang ng iyong mga lingkod ang mga kawal na nasa ilalim ng aming pamumuno, at walang isa mang nawawala. 50 Dinala namin ang mga handog ni Yahweh, kung ano ang natagpuan ng bawat lalaki, mga ginintuang bagay, mga pansuot sa braso, mga pulseras, mga singsing na may selyo, mga hikaw at mga kuwintas, upang gumawa ng pambayad ng kasalanan para sa aming sarili sa harapan ni Yahweh." 51 Tinanggap ni Moises at ni Eleazar na pari mula sa kanila ang ginto at mga binuong bagay. 52 Lahat ng ginto sa handog na ibinigay nila kay Yahweh—ang mga handog mula sa mga pinuno ng libu-libo, at mula sa mga kapitan ng daan-daan—ay tumitimbang ng 16, 750 siklo. 53 Kumuha ng dambong ang bawat kawal, ang bawat lalaki para sa kaniyang sarili. 54 Kinuha ni Moises at ni Eleazar na pari ang ginto mula sa mga pinuno ng libu-libo at mga kapitan ng daan-daan. Dinala nila ito sa tolda ng pagpupulong bilang paalala sa mga tao ng Israel para kay Yahweh.

Chapter 32

1 Ngayon ang mga kaapu-apuhan ni Ruben at Gad ay may napakalaking bilang ng mga alagang hayop. Nang nakita nila ang lupain ni Jazer at Galaad, ang lupain ay isang mainam na lugar para sa mga alagang hayop. 2 Kaya ang mga kaapu-apuhan ni Gad at Ruben ay dumating at nagsalita kay Moises, kay Eleazar na pari, at sa mga pinuno ng sambayanan. Sinabi nila, 3 "Atarot, Dibon, Jazer, Nimra, Hesbon, Eleale, Sebam, Nebo, at Beon, 4 ang mga lupaing sinalakay ni Yahweh sa harap ng mamamayan ng Israel ay magandang mga lugar para sa mga alagang hayop. Kaming mga lingkod mo ay may maraming alagang hayop." 5 Sinabi nila, "Kung kami ay naging kalugud-lugod sa inyong paningin, hibigay mo sa amin ang lupaing ito, samga lingkod mo, bilang isang ari-arian. Huwag mo kaming hayaang tumawid sa Jordan." 6 Sumagot si Moises sa mga kaapu-apuhan ni Gad at Ruben, "Kailangan bang pumunta ang inyong mga kapatid na lalaki sa digmaan habang kayo ay nananatili dito? 7 Bakit ninyo pinahihina ang puso ng mga tao ng Israel sa pagpunta sa lupaing ibinigay sa kanila ni Yahweh? 8 Ganoon din ang ginawa ng inyong mga ama nang ipadala ko sila mula sa Kades Barnea upang suriin ang lupain. 9 Umakyat sila sa lambak ng Escol. Nakita nila ang lupain at pagkatapos ay pinahina ang loob ng mga tao ng Israel kaya tumanggi silang pumasok sa lupaing ibinigay sa kanila ni Yawheh. 10 Nag-alab ang galit ni Yawheh ng araw na iyon. Nanumpa siya at sinabi, 11 'Tiyak na wala sa mga kalalakihang umalis mula Ehipto, mula dalawampung taong gulang pataas, ang makakakita sa lupaing aking ipinangako kay Abraham, kay Isaac, at kay Jacob, dahil hindi nila ako lubusang sinunod, maliban kay 12 Caleb na lalaking anak ni Jefune na Cenizita, at Josue na anak ni Nun. Tanging si Caleb at Josue ang lubusang sumunod sa akin.' 13 Kaya nag-alab ang galit ni Yahweh laban sa Israel. Idinulot niyang magpaga-gala sila sa ilang sa loob ng apatnapung taon hanggang sa ang lahat ng salinlahing gumawa ng masama sa kaniyang paningin ay nalipol. 14 Tingnan mo, humalili kayo sa lugar ng inyong mga ama, tulad ng mas makasalanang mga tao, upang dumagdag sa nag-aalab na galit ni Yahweh sa Israel. 15 Kung tatalikod kayo mula sa pagsunod sa kaniya, iiwan niya muli ang Israel sa ilang at lilipulin ninyo ang lahat ng mga taong ito." 16 Kaya lumapit sila kay Moises at sinabi, "Payagan mo kaming magtayo ng mga bakod dito para sa aming mga baka at mga lungsod para sa aming mga pamilya. 17 Gayunman, kami mismo ay magiging handa at nakasandatang sasama sa hukbo ng Israel hanggang sa mapangunahan namin sila sa kanilang lugar. Ngunit maninirahan ang aming mga pamilya sa mga pinagtibay na lungsod dahil sa ibang mga taong nananatili pa ring nakatira sa lupaing ito. 18 Hindi kami babalik sa aming mga tahana hangga't ang mga tao ng Israel, ang bawat lalaki ay magkaroon ng mana. 19 Hindi namin mamanahin ang lupain kasama nila sa ibang panig ng Jordan, dahil ang aming mana ay narito sa dakonhg silangan ng Jordan." 20 Kaya sumagot si Moises sa kanila, "Kung gagawin ninyo ang inyong sinabi, kung sasandatahan ninyo ang inyong mga sarili sa harap ni Yahweh upang makidigma, 21 ang bawat isa sa inyong mga armadong lalaki ay kinakailangang tumawid sa Jordan sa harap ni Yahweh, hanggang sa mapaalis niya ang kaniyang mga kaaway mula sa harap niya 22 at naangkin ang lupain sa harap niya. Kung ganoon matapos iyon makakabalik na kayo. Mapapawalang-sala kayo kay Yahweh at sa Israel. Magiging inyong ari-arian ang lupaing ito sa harapan ni Yahweh. 23 Ngunit kung hindi ninyo gagawin ito, tingnan ninyo, magkakasala kayo kay Yahweh. Tiyakin ninyong ang inyong kasalanan ay hahanapin kayo. 24 Magtayo kayo ng mga lungsod para sa inyong mga pamilya at mga kulungan para sa inyong tupa; at gawin ninyo ang inyong sinabi." 25 Ang mga kaapu-apuhan ni Gad at Ruben ay nagsalita kay Moises at sinabi, "Ang inyong mga lingkod ay gagawin ang mga inutos mo, aming amo. 26 Ang aming mga paslit, ang aming mga asawa, ang aming mga kawan, at ang lahat ng aming alagang hayop ay mananatili doon sa mga lungsod ng Galaad. 27 Ganoon pa man, kami na inyong mga lingkod, ay tatawid sa harapan ni Yahweh upang makipaglaban, bawat lalaking armado para sa digmaan, gaya ng sinabi mo, aming amo." 28 Kaya nagbigay ng mga tagubilin si Moises tungkol sa kanila kay Eleazar na pari, kay Josue na anak na lalaki ni Nun, at sa mga pinuno ng mga angkan ng mga ninuno sa mga tribu ng mga tao ng Israel. 29 Sinabi ni Moises sa kanila, "Kung ang mga kaapu-apuhan ni Gad at Ruben ay tatawid sa Jordan kasama ninyo, bawat lalaking armado upang makipaglaban sa harapan ni Yahweh, at kung ang lupain ay nilupig sa harap ninyo, ibibigay ninyo sa kanila ang lupain ng Galaad bilang isang ari-arian. 30 Ngunit kung hindi sila tatawid kasama ninyong armado, kukunin nila ang kanilang mga ari-arian sa piling ninyo sa lupain ng Canaan." 31 Kaya ang mga kaapu-apuhan ni Gad at Ruben ay sumagot at sinabi, "Ayon sa sinabi ni Yahweh sa amin, na inyong mga lingkod, ito ang gagawin namin. 32 Kami ay tatawid na nakasandata sa harap ni Yahweh sa lupain ng Canaan, ngunit mananatili sa amin ang aming inangking mana sa bahaging ito ng Jordan." 33 Kaya ang mga kaapu-apuhan nina Gad at Ruben at pati na rin ang kalahati sa tribu ni Manases na anak na lalaki ni Jose, ibinigay ni Moises ang kaharian ni Sihon, na hari ng mga Amoreo, at Og, na hari ng Bashan. Ibinigay sa kanila ang lupain, at ibinahagi sa kanila ang lahat ng mga lungsod nito kasama ang mga hangganan, ang mga lungsod ng lupaing nakapaligid sa mga ito. 34 Muling itinayo ng mga kaapu-apuhan ni Gad ang Dibon, Atarot, Aroer, 35 Atrot Sopan, Jazer, Jogbeha, 36 Bet Nimra, at Bet Haran bilang mga pinatibay na lungsod na may mga kulungan para sa tupa. 37 Muling itinayo ng mga kaapu-apuhan ni Ruben ang Hesbon, Eleale, Kiriatim, 38 Nebo, Baal Meon—na pinalitan kalaunan ang kanilang mga pangalan, at Sibma. Nagbigay sila ng ibang mga pangalan sa mga lungsod na kanilang muling itinayo. 39 Nagpunta ang mga kaapu-apuhan ni Maquir na anak na lalaki ni Manases sa Galaad at kinuha ito mula sa mga Amoreong naroon. 40 Pagkatapos ibinigay ni Moises ang Galaad kay Maquir anak na lalaki ni Manases, at ang kaniyang mga tao ay nanirahan doon. 41 Nagpunta si Jair na anak na lalaki ni Manases at sinakop ang mga nayon nito at tinawag ang mga itong Havot Jair. 42 Nagpunta si Noba at sinakop ang Kenat at mga kanayunan nito, at tinawag niya itong Noba, sunod sa kaniyang sariling pangalan.

Chapter 33

1 Ito ang mga pagkilos ng mga tao ng Israel matapos nilang lisanin ang lupain ng Ehipto ayon sa kanilang mga armadong pangkat sa ilalim ng pamumuno ni Moises at Aaron. 2 Isinulat ni Moises ang mga lugar mula sa pinanggalingan nila hanggang sa pinuntahan nila ayon sa inutos ni Yahweh. Ito ang kanilang mga pagkilos, mula sa paglisan tungo sa sunod na paglisan. 3 Naglakbay sila mula sa Rameses sa unang buwan, umalis sila sa ikalabing limang araw ng unang buwan. Sa umaga matapos ang Paskua, hayagang umalis ang mga tao ng Israel sa paningin ng lahat ng mga taga-Ehipto. 4 Nangyari ito habang inililibing ng mga taga-Ehipto ang lahat ng kanilang mga panganay, iyong mga pinatay ni Yahweh sa kanila, sapagkat nagpataw din siya ng parusa sa kanilang mga diyos. 5 Naglakbay ang mga tao ng Israel mula sa Rameses at nagkampo sa Sucot. 6 Naglakbay sila mula sa Succot at nagkampo sa Etam sa dulo ng ilang. 7 Naglakbay sila mula sa Etam at bumalik sa Pi Hahirot na kasalungat ng Baal-zefon, kung saan sila nagkampo kasalungat ng Migdol. 8 Pagkatapos, naglakbay sila mula sa kasalungat ng Pi Hahirot at dumaan sila sa gitna ng dagat tungo sa ilang. Naglakbay sila ng tatlong araw tungo sa ilang ng Etam at nagkampo sa Mara. 9 Naglakbay sila mula sa Mara at dumating sa Elim. May labindalawang bukal at pitumpung puno ng palmera sa Elim. Doon sila nagkampo. 10 Naglakbay sila mula sa Elim at nagkampo sa tabi ng Dagat ng mga Tambo. 11 Naglakbay sila mula sa Dagat ng mga Tambo at nagkampo sa ilang ng Sin. 12 Naglakbay sila mula sa ilang ng Sin at nagkampo sa Dofca. 13 Naglakbay sila mula sa Dofca at nagkampo sa Alus. 14 Naglakbay sila mula sa Alus at nagkampo sila sa Refidim, kung saan walang matagpuang tubig upang mainom ng mga tao. 15 Naglakbay sila mula sa Refidim at nagkampo sa ilang ng Sinai. 16 Naglakbay sila mula sa ilang ng Sinai at nagkampo sa Kibrot Hataava. 17 Naglakbay sila mula sa Kibrot Hattaava at nagkampo sa Hazerot. 18 Naglakbay sila mula sa Hazerot at nagkampo sa Ritma. 19 Naglakbay sila mula sa Ritma at nagkampo sa Rimmon Perez. 20 Naglakbay sila mula sa Rimmon Perez at nagkampo sa Libna. 21 Naglakbay sila mula sa Libna at nagkampo sa Risa. 22 Naglakbay sila mula sa Risa at nagkampo sa Cehelata. 23 Naglakbay sila mula sa Cehelata at nagkampo sila sa Bundok ng Sefer. 24 Naglakbay sila mula sa Bundok ng Sefer at nagkampo sa Harada. 25 Naglakbay sila mula sa Harada at nagkampo sa Macelot. 26 Naglakbay sila mula sa Macelot at nagkampo sa Tahat. 27 Naglakbay sila mula sa Tahat at nagkampo sa Tera. 28 Naglakbay sila mula sa Tera at nagkampo sa Mitca. 29 Naglakbay sila mula sa Mitca at nagkampo sa Hasmona. 30 Naglakbay sila mula sa Hasmona at nagkampo sa Moserot. 31 Naglakbay sila mula sa Moserot at nagkampo sa Bene Jaakan. 32 Naglakbay sila mula sa Bene Jaakan at nagkampo sa Hor Hagidgad. 33 Naglakbay sila mula sa Hor Hagidgad at nagkampo sa Jotbata. 34 Naglakbay sila mula sa Jotbata at nagkampo sa Abrona. 35 Naglakbay sila mula sa Abrona at nagkampo sa Ezion Geber. 36 Naglakbay sila mula sa Ezion Geber at nagkampo sa ilang ng Sin sa Kades. 37 Naglakbay sila mula sa Kades at nagkampo sa Bundok ng Hor, sa dulo ng lupain ng Edom. 38 Umakyat ang paring si Aaron sa Bundok Hor ayon sa utos ni Yahweh at doon namatay sa ika-apatnapung taon matapos lumabas ang mga tao ng Israel sa lupain ng Ehipto, sa ikalimang buwan, sa unang araw ng buwan. 39 123 taong gulang si Aaron nang mamatay siya sa Bundok Hor. 40 Narinig ng hari ng Arad na Cananeo, na nakatira sa timugang ilang sa lupain ng Canaan ang pagdating ng mga tao ng Israel. 41 Naglakbay sila mula sa Bundok Hor at nagkampo sa Zalmona. 42 Naglakbay sila mula sa Zalmona at nagkampo sa Punon. 43 Naglakbay sila mula sa Punon at nagkampo sa Obot. 44 Naglakbay sila mula sa Obot at nagkampo sa Iye Abarim, sa hangganan ng Moab. 45 Naglakbay sila mula sa Iye Abarim at nagkampo sa Dibon Gad. 46 Naglakbay sila mula sa Dibon Gad at nagkampo sa Almon Diblataim. 47 Naglakbay sila mula sa Almon Diblataim at nagkampo sa kabundukan ng Abarim, salungat ng Nebo. 48 Naglakbay sila mula sa mga kabundukan ng Abarim at nagkampo sa mga kapatagan ng Moab sa tabi ng Jordan sa Jerico. 49 Nagkampo sila sa tabi ng Jordan, mula Bet Jesimot hanggang Abel Siitim sa mga kapatagan ng Moab. 50 Nagsalita si Yahweh kay Moises sa mga kapatagan ng Moab sa tabi ng Jordan sa Jerico at sinabi, 51 "Magsalita ka sa mga tao ng Israel at sabihin mo sa kanila, 'Kapag tumawid kayo sa Jordan sa lupain ng Canaan, 52 dapat ninyong itaboy ang lahat ng mga naninirahan sa lupain sa inyong harapan. Dapat ninyong sirain ang lahat ng kanilang inukit na mga anyo. Dapat ninyong wasakin ang lahat ng kanilang mga hinubog na anyo at gibain ang lahat ng kanilang mga dambana. 53 Dapat ninyong angkinin ang lupain at manirahan doon, sapagkat ibinigay ko sa inyo ang lupain upang angkinin. 54 Dapat ninyong manahin ang lupain sa pamamagitan ng palabunutan, ayon sa bawat angkan. Dapat ninyong ibigay ang mas malaking bahagi ng lupa sa mas malaking angkan, at dapat ninyong ibigay ang mas maliit na bahagi ng lupa sa mas maliit na angkan. Saan man tumapat ang palabunutan sa bawat angkan, ang lupaing iyon ay mapapabilang dito. Mamanahin ninyo ang lupa ayon sa tribu ng inyong mga ninuno. 55 Subalit kung hindi ninyo itataboy ang mga naninirahan sa lupain sa harapan ninyo, sa gayon ang mga taong pinayagan ninyong manatili ay magiging parang mga muta sila sa inyong mga mata at magiging tinik sa inyong mga tagiliran. Gagawin nilang mahirap ang inyong buhay sa lupain kung saan kayo maninirahan. 56 At mangyayari na kung ano ang binabalak ko ngayong gawin sa mga taong iyon, gagawin ko rin sa inyo."'

Chapter 34

1 Nagsalita si Yahweh kay Moises at sinabi, 2 "Utusan mo ang mga tao ng Israel at sabihin sa kanila, "Kapag papasok kayo sa lupain ng Canaan, ang lupain na mapapasainyo, ang lupain ng Canaan at mga hangganan nito, 3 ang inyong hangganan sa timog ay aabot mula sa ilang ng Sin sa may hangganan ng Edom. Ang silangang dulo ng timog na hangganan ay magiging nasa isang linya na magtatapos sa gawing hangganan ng timog ng Dagat Asin. 4 Ang inyong hangganan ay liliko sa timog mula sa burol ng Akrabim at tatawid hanggang sa ilang ng Sin. Mula doon, aabot ito sa timog ng Kades Barnea at hanggang sa Hazar Adar at hanggang Azmon. 5 Mula roon, ang hangganan ay liliko mula Azmon patungo sa batis ng Ehipto at susundan ito hanggang sa dagat. 6 Ang kanlurang hangganan ay magiging sa baybayin ng Malaking Dagat. Ito ang magiging kanluraning hangganan ninyo. 7 Ang inyong hilagang hangganan ay aabot hanggang sa linya na dapat ninyong markahan mula sa Malaking Dagat hanggang sa Bundok Hor, 8 at mula sa Bundok Hor hanggang sa Lebo Hamat, at magpapatuloy sa Zedad. 9 At magpapatuloy ang hangganan sa Zefron at matatapos sa Hazar Enan. Ito ang inyong magiging hilagang hangganan. 10 Pagkatapos, dapat ninyong markahan ang inyong silangang hangganan mula sa Hazar Enan sa timog hanggang Sefam. 11 Pagkatapos bababa ang silangang hangganan mula sa Sefam hanggang sa Ribla, sa silangang dako ng Ain. Magpapatuloy ang hangganan sa silangang dako ng Dagat Cineret. 12 At magpapatuloy ang hangganan sa timog sa may Ilog Jordan hanggang sa Dagat Asin at magpapatuloy pababa sa silangang hangganan ng Dagat Asin. Ito ang inyong magiging lupain, na alinsunod sa mga hangganan sa buong palibot."' 13 Pagkatapos, inutusan ni Moises ang mga tao ng Israel at sinabi, "Ito ang lupaing matatanggap ninyo sa pamamagitan ng palabunutan, na ipinangako ni Yahweh na ibibigay sa siyam na tribu at sa kalahating tribu. 14 Ang tribu ng kaapu-apuhan ni Ruben, alinsunod sa itinakdang ari-arian sa tribu ng kanilang mga ninuno, at sa tribu ng mga kaapu-apuhan ni Gad, alinsunod sa itinakdang ari-arian sa mga tribu ng kanilang mga ninuno, at sa kalahati ng tribu ni Manases ay natanggap ang lahat ng kanilang mga lupain. 15 Ang dalawang tribu at ang kalahating tribu ay nakatanggap ng kanilang bahagi sa lupain sa ibayo ng Jordan sa silangang Jerico, patungo sa harap sa sikatan ng araw." 16 Nagsalita si Yahweh kay Moises at sinabi, 17 "Ito ang mga pangalan ng mga kalalakihang maghahati sa lupain para sa inyong mana: Si Eleazar na pari at Josue na anak na lalaki ni Nun. 18 Kailangan mong pumili ng isang pinuno mula sa bawat tribu na maghahati sa lupain para sa kanilang mga angkan. 19 Ito ang mga pangalan ng mga kalalakihan: Mula sa tribu ni Juda, si Caleb anak na lalaki ni Jefune. 20 Mula sa tribu ng mga kaapu-apuhan ni Simeon, si Semuel na anak na lalaki ni Amiud. 21 Mula sa tribu ng Benjamin, si Elidad na anak na lalaki ni Kislon. 22 Mula sa tribu ng mga kaapu-apuhan ni Dan isang pinunog si Bukki na anak na lalaki ni Jogli. 23 Mula sa mga kaapu-apuhan ni Jose, sa tribu ng mga kaapu-apuhan ni Manases isang pinunong si Haniel na anak na lalaki ni Efod. 24 Mula sa tribu ng mga kaapu-apuhan ni Efraim isang pinunong si Kemuel na anak na lalaki ni Siftan. 25 Mula sa tribu ng mga kaapu-apuhan ni Zebulun isang pinunong si Elizafan na anak na lalaki ni Parnac. 26 Mula sa tribu ng mga kaapu-apuhan ni Isacar isang pinunong si Paltiel na anak na lalaki ni Azan. 27 Mula sa tribu ng mga kaapu-apuhan ni Aser isang pinunong si Ahiud na anak na lalaki ni Selomi. 28 Mula sa tribu ng mga kaapu-apuhan ni Neftali isang pinunong si Pedahel na anak na lalaki ni Amiud." 29 Inutusan ni Yahweh ang mga lalaking ito na hatiin ang lupain ng Canaan at ibigay sa bawat isa sa mga tribu ng Israel ang kanilang parte.

Chapter 35

1 Nagsalita si Yahweh kay Moises sa mga kapatagan ng Moab sa tabi ng Jordan sa Jerico at sinabi, 2 "Utusan mo ang mga tao ng Israel na magbigay ng ilan sa kanilang mga bahagi ng lupain sa mga Levita. Dapat nila silang bigyan ng mga lungsod upang tirahan at lupaing pastulan sa palibot ng mga lungsod na iyon. 3 Kukunin ng mga Levita ang mga lungsod na ito para panahanan. Ang lupaing pastulan ay magiging para sa kanilang mga baka, sa kanilang mga kawan, at sa lahat ng kanilang mga hayop. 4 Ang mga lupaing pastulan sa palibot ng mga lungsod na inyong ibibigay sa mga Levita ay dapat isang libong kubit sa bawat panig mula sa mga pader ng lungsod. 5 Dapat kang sumukat ng dalawang libong kubit mula sa labas ng lungsod sa silangang bahagi, at dalawang libong kubit sa timugang bahagi, at dalawang libong kubit sa kanlurang bahagi, at dalawang libong kubit sa hilagang bahagi. Ito ang magiging lupaing pastulan para sa kanilang mga lungsod. Ang mga lungsod ay magiging nasa gitna. 6 Anim sa mga lungsod na iyong ibibigay sa mga Levita ay dapat magsilbing mga lungsod ng kanlungan. Dapat mong ilaan ang mga ito bilang mga lugar na maaaring matakasan ng mga akusadong mamamatay-tao. Maglaan ka rin ng ibang apatnapu't dalawang lungsod. 7 Ang mga lungsod na ibibigay mo sa mga Levita ay may kabuuang apatnapu't walo. Dapat mong ibigay ang kanilang mga lupaing pastulan kasama ng mga ito. 8 Ang mga malalaking tribu ng mga tao ng Israel, ang mga tribu na may maraming lupain, ang dapat magbigay ng maraming lungsod. Ang mga tribu na mas maliit ay magbibigay ng kaunting lungsod. Bawat tribu ay dapat magbigay para sa mga Levita ayon sa bahaging natanggap nito." 9 Pagkatapos, nagsalita si Yahweh kay Moises at sinabi, 10 "Magsalita ka sa mga tao ng Israel at sabihin mo sa kanila, 'Kapag tumawid kayo sa Jordan patungo sa lupain ng Canaan, 11 dapat kayong pumili ng mga lungsod na magsisilbing mga lungsod ng kublihan para sa inyo, upang sinumang tao ang makapatay ng isang tao nang hindi sinasadya ay maaaring tumakas sa mga ito. 12 Ang mga lungsod na ito ang dapat magiging inyong kublihan mula sa tagapaghiganti, upang ang akusadong tao ay hindi mapapatay na walang unang paglilitis sa harap ng sambayanan. 13 Dapat kayong pumili ng anim na lungsod bilang mga lungsod ng kublihan. 14 Dapat kayong magbigay ng tatlong lungsod sa labas ng Jordan at tatlo sa lupain ng Canaan. Ang mga ito ang magiging mga lungsod ng kublihan. 15 Para sa mga tao ng Israel, para sa mga dayuhan, para sa sinumang naninirahan sa piling ninyo, ang anim na lungsod na ito ay magsisilbing isang kublihan na maaaring matakasan ng sinumang makapatay ng isang tao nang hindi sinasadya. 16 Subalit kung hinampas ng isang akusadong tao ang kaniyang biktima gamit ang isang kasangkapang bakal, at kung mamamatay ang kaniyang biktima, ang akusado ay tunay ngang isang mamamatay-tao. Dapat tiyakin siyang patayin. 17 Kung hinampas ng isang akusadong tao ang kaniyang biktima gamit ang isang bato sa kanyang kamay na maaaring makapatay sa biktima, at kung mamamatay ang kaniyang biktima, ang akusado ay tunay ngang isang mamamatay-tao. Dapat tiyakin siyang patayin. 18 Kung hinampas ng isang akusadong tao ang kaniyang biktima gamit ang isang sandatang kahoy na maaaring makapatay sa biktima, at kung mamamatay ang biktima, ang akusado ay tunay ngang isang mamamatay-tao. Dapat tiyakin siyang patayin. 19 Ang kadugong tagapaghiganti ay maaari niyang patayin ang isang mamamatay-tao. Kapag makatagpo siya, maaari niyang patayin. 20 At kung pagbuhatan ng kamay ng isang akusadong tao ang sinuman sa galit o maghagis ng isang bagay sa kaniya, habang nagtatago upang tambangan siya, para mamatay ang biktima, 21 o kung hinampas siya sa galit gamit ang kaniyang kamay upang mamatay ang biktima, ang akusadong humampas sa kaniya ay tiyak na papatayin. Isang siyang mamamatay-tao. Ang kadugong tagapaghiganti ay maaaring patayin ang mamamatay-tao kapag siya ay makasalubong niya. 22 Subalit kung biglang pinalo ng isang akusadong tao ang isang biktima nang walang galit o maghagis ng isang bagay na makatama sa biktima nang hindi inaasahan 23 o kung maghahagis ng bato na makakapatay sa isang biktima nang hindi nakikita ang biktima, ang akusado ay hindi kaaway ng biktima, hindi niya sinasadyang saktan ang biktima. Gayon pa man, kung mamamatay ang biktima, 24 sa ganoong kalagayan, dapat maghusga ang sambayanan sa pagitan ng inaakusahan at ng kadugong tagapaghiganti sa batayan ng mga batas na ito. 25 Dapat iligtas ng sambayanan ang inaakusahan mula sa kapangyarihan ng kadugong tagapaghiganti. Dapat ibalik ng sambayanan ang inaakusahan sa lungsod ng kublihan kung saan siya dating tumakas. Dapat siyang mamuhay doon hanggang sa mamatay ang kasalukuyang pinakapunong pari, ang siyang pinahiran ng banal na langis. 26 Subalit kung pumunta ang akusadong tao sa anumang oras sa lampas ng hangganan ng lungsod ng kublihan kung saan siya tumakas, 27 at kung makita siya ng kadugong tagapaghiganti sa labas ng hangganan ng kaniyang lungsod ng kublihan, at kung mapatay niya ang akusadong tao, ang kadugong tagapaghiganti ay hindi magkakasala ng pagpatay. 28 Ito ay dahil ang akusadong tao ay dapat nanatili sa kaniyang lungsod ng kublihan hanggang sa mamatay ang pinakapunong pari. Pagkatapos ng kamatayan ng pinakapunong pari, ang akusadong tao ay maaaring bumalik sa lupain kung saan ang kaniyang sariling ari-arian. 29 Ang mga batas na ito ay dapat maging mga kautusan para sa inyo sa buong salinlahi ng mga tao sa lahat ng lugar kung saan kayo nakatira. 30 Kung sinuman ang pumatay ng sinumang tao, dapat patayin ang mamamatay-tao, ayon sa patotoo sa pamamagitan ng mga salita ng mga saksi. Ngunit ang salita ng isang saksi lamang ay hindi magdudulot sa sinumang tao upang patayin. 31 Gayundin, dapat huwag kayong tumanggap ng pantubos para sa buhay ng isang mamamatay-tao na nagkasala ng pagpatay. Dapat tiyakin siyang patayin. 32 At dapat huwag kayong tumanggap ng pantubos para sa isang tumakas papunta sa lungsod ng kublihan. Dapat huwag ninyong gagawin ang ganitong pamamaraan, pahintulutan siyang tumira sa kaniyang sariling ari-arian hanggang sa mamatay ang pinakapunong pari. 33 Huwag ninyong dumihan sa ganitong pamamaraan ang lupain kung saan kayo namumuhay, dahil ang dugo mula sa pinatay ay dinudumihan ang lupain. Walang pambayad kasalanan ang maaaring gawin sa lupain kapag ang dugo ay dumanak dito, maliban sa pamamagitan ng dugo ng isang dumanak dito. 34 Kaya dapat huwag ninyong dungisan ang lupaing inyong pinamumuhayan dahil ako ay namumuhay dito. Akong si Yahweh ay namumuhay kasama ng mga tao ng Israel.'"

Chapter 36

1 Pagkatapos, ang mga pinuno ng mga pamilya ng kanilang ninuno sa angkan na itinatag ni Galaad na anak ni Maquir na anak ni Manases—ang mga pinuno ng mga angkan ng mga kaapu-apuhan ni Jose ay lumapit at nagasalita sa harap ni Moises at sa harap ng mga pinunong pangulo ng mga pamilya ng mga ninuno ng mga tao ng Israel. 2 Sinabi nila, "Inutusan ka ni Yahweh, aming amo, na bigyan mo ng kabahagi ng lupa ang mga tao ng Israel sa pamamagitan ng palabunutan. Inutusan ka ni Yahweh na ibigay ang kabahagi ng kapatid naming si Zelofehad sa kaniyang mga anak na babae.. 3 Subalit kung mag-aasawa ang kaniyang mga anak na babae ng mga lalaki sa ibang tribu ng mga tao ng Israel, aalisin ang kabahagi ng lupa nila mula sa kabahagi ng aming mga ninuno. Idaragdag ito sa kabahagi ng mga tribu na sinalihan nila. Sa ganitong usapin, aalisin ito sa itinakdang kabahagi ng aming mana. 4 Sa pagkakataong iyon, kapag dumating ang Paglaya ng mga tao ng Israel, ang kabahagi nila ay masasama sa kabahagi ng tribung sinalihan nila. Sa ganitong paraan, ibabawas ang kabahagi nila mula sa kabahagi ng tribu ng aming mga ninuno." 5 Kaya nagbigay si Moises ng isang utos sa mga tao ng Israel, ayon sa salita ni Yahweh. Sinabi niya, "Tama ang sinabi ng tribu ng mga kaapu-apuhan ni Jose. 6 Ito ang inuutos ni Yahweh patungkol sa mga anak na babae ni Zelofehad. Sinabi niya, 'Hayaan silang magpakasal sa sinumang inaakala nilang pinakamabuti, subalit dapat lamang silang magpakasal sa loob ng lipi ng kanilang ama.' 7 Walang kabahagi ng mga tao ng Israel ang dapat lumipat mula sa isang tribu tungo sa iba. Dapat magpatuloy ang bawat isa sa mga tao ng Israel sa kabahagi ng tribu ng kaniyang mga ninuno. 8 Bawat babae sa mga tao ng Israel na nagmamay-ari ng kabahagi sa kaniyang tribu ay dapat mag-asawa mula sa angkang nabibilang sa tribu ng kaniyang ama. Ito ay upang bawat isa sa mga tao ng Israel ay magmay-ari ng pamana mula sa mga ninuno niya. 9 Walang kabahagi ang dapat magpalipat-lipat mula sa isang tribu tungo sa iba. Bawat isa sa mga tribu ng mga tao ng Israel ay dapat panatilihin ang kaniyang sariling mana." 10 Kaya ginawa ng mga anak na babae ni Zelofehad ang gaya ng inutos ni Yahweh kay Moises. 11 Sina Mahla, Tirza, Hogla, Milca, at Noe, mga anak na babae ni Zelopfehad ay nag-asawa ng mga kaapu-apuhan ni Manases. 12 Nagsipag-asawa sila sa mga angkan ng mga kaapu-apuhan ni Manases na anak ni Jose. Sa ganitong paraan, mananatili ang mga mana nila sa tribu na nabibilang sa angkan ng kanilang ama. 13 Ito ang mga utos at kautusan na ibinigay ni Yahweh kay Moises para sa mga tao ng Israel sa kapatagan ng Moab sa tabi ng Jordan sa Jerico.