Ezekiel
Chapter 1
1 Sa ikatatlumpung taon, sa ikaapat na buwan, at sa ikalimang araw ng buwan, nangyaring naninirahan akong kasama ng mga bihag sa tabi ng Kanal Kebar. Nabuksan ang kalangitan, at nakakita ako ng mga pangitain ng Diyos! 2 Noong ikalimang araw ng buwan na iyon—ito ang ikalimang taon ng pagkatapon kay Haring Jehoiakin, 3 dumating nang may kapangyarihan ang salita ni Yahweh kay Ezekiel na anak ni Buzi at ang pari sa lupain ng mga Caldeo sa tabi ng Kanal Kebar. Dumating ang kamay ni Yahweh sa kaniya roon. 4 Pagkatapos, tumingin ako, at mayroong dumarating na malakas na hangin mula sa hilaga—isang malaking ulap na may kumikinang na apoy sa loob nito, at liwanag ang nasa palibot at loob nito, at kulay ng ambar ang apoy sa loob ng ulap. 5 Sa gitna ay anyo ng apat na buhay na nilalang. Ito ang kanilang wangis: mayroon silang anyong tao, 6 ngunit ang bawat isa sa kanila ay mayroong apat na mukha, at ang bawat isa sa mga nilalang ay may apat na pakpak. 7 Tuwid ang kanilang mga binti, ngunit ang talampakan ng kanilang mga paa ay tulad ng mga kuko ng isang guya na makinang tulad ng pinakintab na tanso. 8 Gayon pa man, mayroon silang mga kamay ng tao sa ilalim ng kanilang mga pakpak sa lahat ng apat na dako. Sa kanilang apat, ang kanilang mga mukha at mga pakpak ay ganito: 9 ang kanilang mga pakpak ay sumasagi sa mga pakpak ng kasunod na nilalang, at hindi sila lumiliko habang umuusad, sa halip, ang bawat isa ay umusad pasulong. 10 Ang wangis ng kanilang mga mukha ay tulad ng mukha ng isang tao, sunod, ang mukha ng isang leon sa kanan, sunod, ang mukha ng isang toro sa kaliwa, at sa huli, ang mukha ng isang agila. 11 Ganyan ang kanilang mga mukha, at ang kanilang mga pakpak ay nakabuka sa itaas, upang ang bawat nilalang ay may pares ng mga pakpak na nakasagi sa pakpak ng isa pang nilalang, at isang pares din ng mga pakpak ang nakatakip sa kanilang mga katawan. 12 Ang bawat isa ay umusad pasulong, upang saanman sila utusang pumunta ng Espiritu, pumunta sila nang hindi lumilingon. 13 Tulad ng mga nagliliyab na baga ang mga buhay na nilalang, o tulad ng mga sulo, may maliwanag na apoy din na gumagalaw kasama ng mga nilalang, at may mga kumikislap na kidlat. 14 Mabilis na gumagalaw nangpabalik-balik ang mga buhay na nilalang, at mukha silang kidlat! 15 At tumingin ako sa mga buhay na nilalang, may isang gulong sa ilalim na nasa tabi ng mga buhay na nilalang. 16 Ito ang wangis at balangkas ng mga gulong: ang bawat gulong ay tulad ng berilyo, at magkakatulad lahat ang apat, tila binabagtas ng isang gulong ang isa pang gulong. 17 Kapag gumulong ang mga gulong, nakakapunta sila sa bawat direksyon nang hindi lumilingon. 18 Para naman sa mga gilid naman ng mga ito, matataas at nakakatakot, sapagkat ang mga gilid ay puno ng mga mata paikot! 19 Kapag gumagalaw ang mga buhay na nilalang, gumagalaw ang mga gulong sa tabi nila. Kapag pumapaitaas ang mga buhay na nilalang mula sa lupa, pumapaitaas din ang mga gulong. 20 Saanman pumupunta ang Espiritu, pumupunta sila kung saan tumutungo ang Espiritu, pumapaitaas sa tabi nila ang mga gulong, sapagkat ang espiritu ng mga buhay na nilalang ay nasa mga gulong. 21 Kapag gumagalaw ang mga nilalang, gumagalaw rin ang mga gulong, at kapag tumitigil ang mga nilalang, tumitigil ang mga gulong, kapag pumapaitaas mula sa lupa ang mga nilalang, pumapaitaas ang mga gulong sa tabi nila, sapagkat ang espiritu ng mga buhay na nilalang ay nasa mga gulong. 22 Sa ibabaw ng mga ulo ng mga buhay na nilalang ay may tulad ng isang napakalaking pabilog na bubong, tulad ito ng kahanga-hangang kristal na nakabuka sa ibabaw ng kanilang mga ulo. 23 Sa ilalim ng pabilog na bubong, ang bawat isa sa mga pakpak ng nilalang ay nakabuka nang tuwid at nakasagi sa mga pakpak ng isa pang nilalang. Ang bawat buhay na nilalang ay may isang pares din upang takpan ang kanilang mga sarili—ang bawat isa ay may isang pares upang takpan ang kaniyang sariling katawan. 24 At narinig ko ang tunog ng kanilang mga pakpak! Tulad ng ingay ng rumaragasang tubig. Tulad ng tinig ng Makapangyarihan. Kapag gumagalaw sila, nagkakaroon ng tunog ng isang bagyong ulan. Tulad ito ng tunog ng isang hukbo. Kapag tumitigil sila, ibinababa nila ang kanilang mga pakpak. 25 At isang tinig ang nagmula sa itaas ng pabilog na bubong sa ibabaw ng kanilang mga ulo kapag tumitigil sila at ibinababa ang kanilang mga pakpak. 26 Sa itaas ng pabilog na bubong sa ibabaw ng kanilang mga ulo ay may anyo ng isang tronong tulad ng safiro, at ang nasa trono ay ang wangis ng isang tulad ng tao. 27 Nakita ko ang isang anyong tulad ng nagliliwanag na metal na may apoy sa loob mula sa kaniyang baywang pataas, mula sa kaniyang baywang pababa ay tulad ng apoy at liwanag ang nasa buong paligid. 28 Tulad ito ng isang bahagharing lumilitaw sa mga ulap sa isang maulang araw—at tulad ng maliwanag na ilaw ang pumapaligid dito. Nagpakita ito tulad ng anyo ng kaluwalhatian ni Yahweh. Nang makita ko ito, nagpatirapa ako, at narinig ko ang isang tinig na nagsasalita.
Chapter 2
1 Sinabi sa akin ng tinig, "Anak ng tao, tumayo ka at magsasalita ako sa iyo." 2 At dinala ako ng Espiritu habang siya ay nagsasalita sa akin at itinayo niya ako, at narinig ko siyang nagsasalita sa akin. 3 Sinabi niya sa akin, "Anak ng tao, sinusugo kita sa mga tao ng Israel, sa suwail na bansang naghimagsik laban sa akin—nagkasala sila at ng kanilang mga ninuno laban sa akin hanggang sa panahong ito! 4 Ang kanilang mga kaapu-apuhan ay may mga matitigas na mukha at mga matitigas na puso. Isinusugo kita sa kanila. At sasabihin mo sa kanila, 'Ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh.' 5 Makinig man sila o hindi sila makikinig. Sila ay suwail na sambahayan, ngunit malalaman man lamang nila na isang propeta ang kabilang sa kanila. 6 At ikaw, anak ng tao, huwag kang matakot sa kanila o sa kanilang mga salita. Huwag kang matakot, kahit na kasama mo ang mga dawag at mga tinik, at kahit na ikaw ay namumuhay kasama ng mga alakdan. Huwag kang matakot sa kanilang mga salita o panghinaan ng loob sa kanilang mga mukha, sapagkat sila ay suwail na sambahayan. 7 Ngunit sasabihin mo sa kanila ang aking mga salita, makinig man sila o hindi, dahil sila ay napakasuwail. 8 Ngunit ikaw, anak ng tao, makinig ka sa sinasabi ko sa iyo. Huwag kang maging suwail tulad ng suwail na sambahayang iyon. Buksan mo ang iyong bibig at kainin ang ibibigay ko sa iyo!" 9 Pagkatapos, tumingin ako at isang kamay ang nag-abot sa akin, dito ay may kasulatang binalumbon. 10 Inilatag niya ito sa aking harapan, nasulatan ang harap at ang likod nito, at mga panaghoy, pagluluksa, at kapighatian ang nakasulat dito.
Chapter 3
1 Sinabi niya sa akin, "Anak ng tao, kainin mo kung ano ang natagpuan mo! Kainin mo itong kasulatang binalumbon, pagkatapos ay humayo sa sambahayan ng Israel at magsalita." 2 Kaya ibinuka ko ang aking bibig, at ipinakain niya sa akin ang kasulatang binalumbon. 3 Sinabi niya sa akin, "Anak ng tao, pakainin mo ang iyong sikmura at busugin ang iyong tiyan sa pamamagitan ng kasulatang binalumbong ito na ibinigay ko sa iyo!" Kaya kinain ko ito, at ito ay kasintamis ng pulot-pukyutan sa aking bibig. 4 Pagkatapos, sinabi niya sa akin, "Anak ng tao, pumunta ka sa sambahayan ng Israel at sabihin sa kanila ang aking mga salita. 5 Sapagkat hindi ka isinugo sa mga taong may kakaibang salita o isang mahirap na wika, kundi sa sambahayan ng Israel— 6 hindi sa makapangyarihang bansang may kakaibang salita o mahirap na wika, na ang mga salita ay hindi mo maintindihan! Kung isusugo kita sa kanila, makikinig sila sa iyo! 7 Ngunit ang sambahayan ng Israel ay hindi nahahandang makinig sa iyo, sapagkat sila ay hindi nahahandang makinig sa akin. Kaya lahat ng sambahayang Israel ay mataas ang kilay at matigas ang puso. 8 Masdan mo! Ang iyong mukha ay ginawa kong kasintigas ng kanilang mga mukha at ang iyong kilay ay kasintigas ng kanilang mga kilay. 9 Ginawa kong tulad ng isang diamante ang iyong kilay, mas matigas kaysa pingkian! Huwag kang matakot sa kanila o panghinaan ng loob sa pamamagitan ng kanilang mga mukha, yamang sila ay mga suwail na sambahayan." 10 At sinabi niya sa akin, "Anak ng tao, ang lahat ng mga salitang ipinahayag ko sa iyo—ilagay mo ang mga ito sa iyong puso at pakinggan mo sila sa pamamagitan ng iyong mga tainga! 11 At pumunta ka sa mga bihag, sa iyong mga kababayan, at magsalita ka sa kanila. Sabihin mo sa kanila, 'Ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh,' makinig man sila o hindi." 12 Pagkatapos, itinaas ako ng Espiritu, at nakarinig ako ng tunog sa aking likuran na tulad ng isang malakas na lindol, na nagsasabi, "Pagpalain ang kaluwalhatian ni Yahweh mula sa kaniyang lugar!" 13 Kaya narinig ko ang tunog ng mga pakpak ng mga buhay na mga nilalang habang sumasag sa isa't isa, at ang tunog ng mga gulong na nasa kanila, at ang tunog ng isang malakas na lindol! 14 Itinaas ako ng Espiritu at dinala ako palayo; at pumunta akong may kapaitan sa galit ng aking espiritu, sapagkat ubod ng lakas na nakadiin sa akin ang kamay ni Yahweh! 15 Kaya pumunta ako sa mga bihag sa Tel Abib na nakatira sa tabi ng Ilog Kebar, at nananatili ako roon sa loob ng pitong araw, punong-puno ako ng pagkamangha kasama nila. 16 At nangyari na makalipas ang pitong araw ay dumating sa akin ang salita ni Yahweh at sinabi, 17 Anak ng tao, ginawa kitang tagapagbantay para sa sambahayan ng Israel, kaya makinig ka sa salita mula sa aking bibig, at ibigay sa kanila ang aking babala! 18 Kapag sinabi ko sa masama, 'Tiyak na mamamatay ka' at hindi mo siya binigyan ng babala o nagsabi ng isang babala sa masama tungkol sa kaniyang masamang mga gawa upang siya ay mabuhay—mamamatay ang masama sa kaniyang kasalanan, ngunit sisingilin ko mula sa iyong kamay ang kaniyang dugo. 19 Ngunit kung bibigyan mo ng babala ang masama, at hindi siya tumalikod mula sa kaniyang kasamaan o sa kaniyang masasamang gawain, mamamatay siya sa kaniyang kasalanan, ngunit maililigtas mo ang iyong sariling buhay. 20 At kung tatalikod ang isang matuwid na tao mula sa kaniyang pagiging matuwid at gumawa ng hindi makaturungan, maglalagay ako ng batong katitisuran sa kaniyang harapan, at mamamatay siya, dahil hindi mo siya binigyan ng babala. Mamamatay siya sa kaniyang kasalanan, at hindi ko aalalahanin ang kaniyang mabuting mga gawa na kaniyang ginawa, ngunit sisingilin ko mula sa iyong kamay ang kaniyang dugo. 21 Ngunit kung babalaan mo ang matuwid na tao na tumigil sa pagkakasala upang hindi na siya magkasala, tiyak na mabubuhay siya dahil nabigyan siya ng babala; at maililigtas mo ang iyong sariling buhay." 22 Kaya nasa akin doon ang kamay ni Yahweh, at sinabi niya sa akin, Tumayo ka! Pumunta sa kapatagan, at makikipag-usap ako sa iyo doon! 23 Bumangon ako at pumunta sa patag, at nanatili doon ang kaluwalhatian ni Yahweh, tulad ng kaluwalhatiang nakita ko sa gilid ng kanal Kebar; kaya nagpatirapa ako. 24 Dumating sa akin ang Espiritu at itinayo ako sa aking mga paa; at nagsalita siya sa akin, at sinabi sa akin, "Pumunta ka at pagsarhan ang iyong sarili sa loob ng iyong bahay, 25 kaya ngayon, anak ng tao, igagapos ka nila ng lubid at itatali ka upang hindi ka makapunta sa kanila. 26 Gagawin kong nakadikit ang iyong dila sa ngalangala ng iyong bibig, upang ikaw ay magiging pipi at hindi mo sila mapagsasabihan, yamang sila ay mapanghimagsik silang sambahayan. 27 Ngunit kapag magsalita ako sa iyo, bubuksan ko ang iyong bibig upang sabihin mo sa kanila, 'Ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh; Siya na makakarinig ay makinig; at siya na hindi makinig ay hindi makikinig, yamang sila ay suwail na sambahayan!"
Chapter 4
1 Ngunit ikaw, anak ng tao, kumuha ka ng isang laryo para sa iyong sarili at ilagay ito sa iyong harapan. At iukit mo rito ang lungsod ng Jerusalem. 2 At lagyan mo ng panglusob laban dito, at magtayo ng mga tanggulan laban dito. Maglagay ng daanan na pangsalakay laban dito at maglagay ng mga kampo sa palibot nito. Maglagay ng mga pambayo sa buong palibot nito. 3 At ikaw, magdala ka ng kawaling bakal, at gamitin mo ito bilang bakal na pader sa pagitan mo at ng lungsod. Iharap mo ang iyong mukha sa dakong iyon at sa lungsod, sapagkat lulusubin ito. Kaya maglagay ka ng panglusob dito! Magiging isang palatandaan ito ng sambahayan ng Israel. 4 Pagkatapos, humiga ka ng patagilid sa iyong kaliwa at ilagay mo sa iyong sarili ang kasalanan ng sambahayan ng Israel; papasanin mo ang kanilang kasalanan sa bilang ng mga araw na ikaw ay nakahiga paharap sa sambahayan ng Israel. 5 Ako mismo ang magtatalaga sa iyo ng isang araw upang kumatawan sa bawat taon ng kanilang kaparusahan: 390 araw! Sa ganitong paraan, papasanin mo ang kasalanan ng sambahayan ng Israel. 6 Kapag natapos mo na ang mga araw na ito, humiga ka patagilid sa iyong kanan sa pangalawang pagkakataon, sapagkat papasanin mo ang kasalanan ng sambahayan ng Juda sa loob ng apatnapung araw. Magtatalaga ako sa iyo ng isang araw sa bawat taon. 7 At Ihaharap mo ang iyong mukha sa Jerusalem na kasalukuyang linulusob na hindi natatakpan ang iyong bisig, at maghahayag ka ng propesiya laban dito. 8 Sapagkat masdan mo! Maglalagay ako ng panali sa iyo upang hindi ka lumingon sa magkabilang bahagi hanggang sa matapos mo ang mga araw ng iyong pagkalusob. 9 Magdala ka ng trigo, sebada, bitsuwelas, lentil, dawa at espelta; ilagay mo sila sa isang sisidlan at gumawa ka ng tinapay para sa iyong sarili ayon sa bilang ng mga araw na nakahiga kang patagilid. Kakainin mo ito nang 390 na araw! 10 Ito ang pagkaing kakainin mo: Dalawampung siklo ang timbang sa bawat araw. Kakainin mo ito sa bawat oras. 11 At iinom ka ng tubig, na may sukat na anim na bahagi ng hin. Iinumin mo ito maya't-maya. 12 Kakainin mo ito tulad ng mga tinapay na gawa sa sebada, ngunit lulutuin mo ito gamit ang dumi ng tao sa kanilang paningin!" 13 Sapagkat sinasabi ni Yahweh, "Nangangahulugan ito na magiging marumi ang tinapay na kakainin ng mga tao ng Israel, doon sa mga bansa kung saan ko sila itataboy." 14 Ngunit sinabi ko, "O, Panginoong Yahweh! Kailan man ay hindi ako naging marumi! Hindi ako kailanman kumakain ng anumang namatay o anumang pinatay ng mga hayop, mula sa aking pagkabata hanggang ngayon, at hindi kailanman nakapasok sa aking bibig ang maruming karne!" 15 Kaya sinabi niya sa akin, "Tingnan mo! Binigyan kita ng dumi ng baka sa halip na dumi ng tao upang maaari mo nang lutuin ang iyong tinapay sa ibabaw ng dumi ng baka." 16 Sinabi rin niya sa akin, "Anak ng tao, masdan mo! Sinisira ko ang imbakan ng tinapay sa Jerusalem, at kakain sila ng tinapay habang nirarasyon ito sa kabalisaan at iinom ng tubig habang nirarasyon ito na may panginginig. 17 Dahil kukulangin sila ng tinapay at tubig, panghihinaan ng loob ang bawat tao sa kaniyang kapatid na lalaki at matutunaw dahil sa kanilang kasalanan."
Chapter 5
1 At ikaw, anak ng tao, kumuha ka ng matalim na espada na parang isang pang-ahit ng barbero para sa iyong sarili. At padaanin mo ang pang-ahit sa iyong ulo at sa iyong balbas, at kumuha ka ng mga timbangan upang timbangin at hatiin ang iyong buhok. 2 Sunugin ang ikatlong bahagi nito sa apoy sa gitna ng lungsod kapag natapos na ang mga araw ng paglusob. At kunin mo ang ikatlong bahagi ng buhok at ihampas mo ito sa pamamagitan ng espada sa buong palibot ng lungsod. At ikalat ang isang ikatlong bahagi nito sa hangin, at huhugot ako ng isang espada upang habulin ang mga tao. 3 Ngunit kumuha ng kaunting buhok mula sa kanila at itali ang mga ito sa iyong manggas. 4 At kumuha ng mas maraming buhok at ihagis ito sa gitna ng apoy; at sunugin ito sa apoy; mula roon ang apoy ay lalabas sa lahat ng sambahayan ng Israel." 5 Sinasabi ito ng Panginoong Yahweh, "Ito ang Jerusalem sa gitna ng mga bansa, kung saan ko siya inilagay, at kung saan pinalilibutan ko siya ng ibang mga lupain. 6 Ngunit tinanggihan niya ang aking mga kautusan sa pamamagitan ng kasamaan higit sa mga bansa, at ang aking mga palatuntunan higit pa sa mga bansang nakapalibot sa kaniya. At tinanggihan nila ang aking mga hatol at hindi lumalakad sa aking mga palatuntunan!" 7 Kaya sinasabi ito ng Panginoong si Yahweh, "Sapagkat ikaw ay higit na mapanggulo kaysa mga bansang nakapalibot sa iyo at hindi lumakad sa aking mga utos o kumilos ayon sa aking mga kautusan, o kumilos ayon sa mga kautusan ng mga bansang nakapalibot sa iyo." 8 Kaya sinasabi ito ng Panginoong Yahweh, "Masdan ninyo! Ako mismo ay kikilos laban sa inyo! Isasagawa ko ang mga hatol sa inyong kalagitnaan upang makita ng mga bansa. 9 Gagawin ko sa inyo kung ano ang hindi ko pa nagagawa at ang katulad nito na hindi ko na gagawing muli, dahil sa lahat ng inyong kasuklam-suklam na mga gawa. 10 Kaya kakainin ng mga ama ang mga bata sa inyong kalagitnaan, at kakainin ng mga anak na lalaki ang kanilang mga ama, yamang magsasagawa ako ng paghatol sa inyo at ikakalat sa bawat dako kayong lahat na naiwan! 11 Samakatuwid, habang ako ay buhay - ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh - tiyak ito sapagkat dinungisan ninyo ang aking santuwaryo sa pamamagitan ng lahat ng inyong kamuhi-muhing mga bagay at sa lahat ng inyong kasuklam-suklam na gawa, ako mismo ang babawas ng inyong bilang; hindi maaawa sa inyo ang aking mata at hindi ko kayo patatawarain. 12 Mamamatay sa salot ang ikatlong bahagi ninyo, at mauubos sila ng kagutuman sa inyong kalagitnaan. Ang ikatlong bahagi sa inyo ay mamamatay sa pamamagitan ng espada sa paligid ninyo. At ikakalat ko ang ikatlong bahagi sa inyo sa bawat dako, at huhugot ng espada upang habulin din sila. 13 At magiging ganap ang aking poot, at ititigil ko ang aking matinding galit sa kanila. Masisiyahan ako, at makilala nila na akong si Yahweh ang nagsasabi ng mga bagay na ito dahil sa aking poot nang matapos ko ang aking matinding galit laban sa kanila. 14 Gagawin ko kayong isang lagim at kahihiyan sa mga bansang nakapalibot sa inyo sa paningin ng bawat isa na dumadaan. 15 Kaya magiging isang bagay ang Jerusalem para sa ibang tao upang isumpa at kutyain, isang babala at isang katatakutan para sa mga bansa na nakapaligid sa inyo. Isasagawa ko ang paghahatol laban sa inyo sa poot at matinding galit, at sa pamamagitan ng isang matinding pagsaway—Ako, si Yahweh ang nagpahayag nito! 16 Magpapadala ako ng malulupit na mga pana ng taggutom laban sa inyo na magiging dahilan upang sirain ko kayo. Sapagkat dadagdagan ko ang taggutom sa inyo at babaliin ko ang inyong tungkod ng tinapay. 17 Magpapadala ako ng taggutom at mga sakuna laban sa inyo upang hindi kayo magkaanak. Dadaan sa inyo ang salot at dugo, at magdadala ako ng espada sa inyo—Ako, si Yahweh ang nagpahayag nito.
Chapter 6
1 Dumating sa akin ang salita ni Yahweh at sinabi, 2 "Anak ng tao, iharap mo ang iyong mukha laban sa mga bundok ng Israel at magpropesiya sa kanila. 3 Sabihin mo, 'Mga bundok ng Israel, makinig kayo sa salita ng Panginoong Yahweh! Sinasabi ito ng Panginoong Yahweh sa mga bundok at sa mga burol, sa mga batis at sa mga lambak: Tingnan ninyo! magdadala ako ng isang espada laban sa inyo at wawasakin ko ang inyong matataas na lugar. 4 Pagkatapos, magiging ulila ang inyong mga dambana at mawawasak ang inyong mga haligi at itatapon ko ang inyong mga patay sa harapan ng inyong mga diyus-diyosan. 5 Ilalatag ko ang patay na mga katawan ng mga tao ng Israel sa harapan ng kanilang mga diyus-diyosan at ikakalat ang inyong mga buto sa palibot sa inyong mga altar. 6 Saanman kayo manirahan, masasayang ang inyong mga lungsod at maging ulila ang inyong matataas na lugar upang ang inyong mga altar ay masasayang at magiging ulila. Pagkatapos, mawawasak ang mga ito at maglalaho, ang inyong mga poste ay ibabagsak at mabubura ang inyong mga gawa. 7 Babagsak ang patay sa inyong kalagitnaan at malalaman ninyo na ako si Yahweh! 8 Ngunit magpapanatili ako ng isang natira sa inyo, at may ilan na makakatakas sa espada sa mga bansa, nang maikalat kayo sa buong mga bansa. 9 At silang mga nakatakas ay alalahanin ako sa mga bansa kung saan sila binihag, nagdalamhati ako sa kanilang hindi matinong puso na tumalikod mula sa akin at sa pamamagitan ng kanilang mga mata na sumumpa sa kanilang mga diyus-diyosan. At nagpapakita sila ng pagkamuhi sa kanilang sarili sa kasamaan na kanilang nagawa kasama ang lahat ng kanilang pagkasuklam. 10 Upang kanilang malaman na ako si Yahweh. Ito ay isang kadahilanan na sinabi kong dadalhin ko ang masamang bagay na ito sa kanila. 11 Ang Panginoong Yahweh ang nagsabi nito: Ipalakpak ang iyong kamay at ipadyak ang iyong paa! Sabihin, "O!" dahil sa lahat ng kasamaang kasuklam-suklam ng sambahayan ng Israel! Sapagkat babagsak sila sa pamamagitan ng espada, taggutom at salot. 12 Ang isang nasa malayo ay mamamatay sa pamamagitan ng salot at ang isang nasa malapit ay babagsak sa pamamagitan ng espada. Silang mga natira at nakaligtas ay mamamatay sa pamamagitan ng taggutom; sa ganitong paraan ko gagawin ang aking poot laban sa kanila. 13 At malalaman ninyo na ako si Yahweh, kapag ang kanilang mga patay ay nakahiga kasama ng kanilang mga diyus-diyosan sa palibot ng kanilang mga altar sa bawat mataas na burol—sa lahat ng mga taluktok ng bundok at sa ilalim ng bawat malagong punong kahoy at mayabong na ensena—ang mga lugar kung saan sila nagsusunog ng mga insenso sa kanilang mga diyus-diyosan. 14 Ipapakita ko ang aking kapangyarihan at gagawin kong ulila at masasayang ang lupain, mula sa ilang hanggang sa Diblah, sa buong lugar kung saan sila naninirahan. At malalaman nila na ako si Yahweh."
Chapter 7
1 Dumating sa akin ang salita ni Yahweh at sinabi, 2 "Ikaw, na anak ng tao—Ang Panginoong Yahweh ang nagsasabi nito sa lupain ng Israel, 'Isang wakas! Isang wakas ang darating sa apat na hangganan ng lupain! 3 Ngayon, ang wakas ay sumasainyo, sapagkat ipinapadala ko sa inyo ang aking poot at hahatulan ko kayo ayon sa inyong mga pamamaraan, pagkatapos dadalhin kong lahat sa inyo ang inyong mga pagkasuklam. 4 Sapagkat hindi kayo titingnan ng aking mga mata ng may habag at hindi ko kayo kaaawaan, kundi dadalhin ko ang inyong pamamaraan sa inyo at ang inyong mga pagkasuklam ay nasa inyong kalagitnaan, upang malaman ninyo na ako si Yahweh! 5 Sinasabi ito ng Panginoong Yahweh: Sakuna! Sunod-sunod na sakuna! Tingnan ninyo, paparating na ito! 6 Isang pagtatapos ang tiyak na darating, ang wakas ay nagising laban sa inyo! Masdan ninyo, paparating na ito! Ang inyong katapusan ay paparating na sa inyong mga naninirahan sa lupa. 7 Dumating na ang oras, malapit na ang araw ng pagkawasak at hindi na magagalak ang mga bundok. 8 Ngayon, hindi magtatagal ay ibubuhos ko ang aking poot laban sa inyo at mapupuno ang aking matinding galit sa inyo kapag hahatulan ko kayo ayon sa inyong pamaraan, pagkatapos dadalhin ko ang lahat ng mga pagkasuklam sa inyo. 9 Sapagkat hindi kayo titingnan ng aking mata ng may habag at hindi ko kayo kaaawaan. Ayon sa inyong nagawa, gagawin ko sa inyo, at ang inyong mga pagkasuklam ay nasa inyong kalagitnaan upang malaman ninyo na ako si Yahweh, ang siyang nagpaparusa sa inyo. 10 Masdan ninyo! Ang araw ay parating na. Naririto na ang kaparusahan. Namukadkad sa tungkod ang bulaklak ng pagmamataas. 11 Lumago ang karahasan ng isang tungkod ng kasamaan—wala sa kanila at wala sa karamihan, wala sa kanilang kayamanan at wala sa kanilang kahalagahan ang magtatagal! 12 Paparating na ang oras, papalapit na ang araw. Huwag magalak ang mamimili, ni tumangis ang manininda, sapagkat ang aking galit ay nasa buong sangkatauhan! 13 Sapagkat hindi na babalikan ng manininda ang ipinagbili habang sila ay nabubuhay, sapagkat ang pangitain ay laban sa buong sangkatauhan, hindi na sila babalik, sapagkat walang sinumang tao na namumuhay sa kasalanan ang mapapalakas! 14 Hinipan na nila ang trumpeta at inihanda na ang lahat, ngunit wala ni isa ang lumakad upang makilaban, sapagkat ang aking galit ay nasa buong sangkatauhan! 15 Nasa labas ang espada at nasa loob ng gusali ang salot at taggutom. Ang mga nasa bukirin ay mamamatay sa pamamagitan ng espada, habang ang mga nasa lungsod ay uubusin ng taggutom at salot. 16 Ngunit ang ilang mga nakaligtas ay tatakas mula sa kanila at pupunta sila sa mga bundok. Tulad ng mga kalapati sa mga lambak, mananaghoy silang lahat—bawat tao dahil sa kaniyang kasalanan. 17 Bawat kamay ay manghihina at bawat tuhod ay magiging kasing lambot ng tubig, 18 at magsusuot sila ng magaspang na tela at mababalot sila ng takot at ang kahihiyan ay nasa bawat mukha at ang pagkakalbo sa lahat ng kanilang mga ulo. 19 Itatapon nila ang kanilang pilak sa mga lansangan at ang kanilang ginto ay magiging tulad ng hindi katanggap-tanggap. Hindi sila kayang iligtas ng kanilang pilak at ginto sa panahon ng matinding galit ni Yahweh. Hindi maliligtas ang kanilang buhay at hindi mapapawi ang kanilang gutom, sapagkat naging isang nakakatisod na hadlang ang kanilang kasalanan. 20 Kumuha sila ng palamuting hiyas sa kanilang pagmamataas at gumawa sila ng diyus-diyosang imahen na naglalarawan ng kanilang pagkasuklam—ang kanilang kamuhi-muhing mga kilos na kanilang ginawa ay kasama nila, kaya, ginagawa kong marumi ang mga bagay na ito sa kanila. 21 At ibibigay ko ang mga bagay na iyon sa kamay ng mga dayuhan bilang samsam at sa masasama sa mundo bilang samsam at dudungisan nila ang mga ito. 22 Pagkatapos itatalikod ko ang aking mukha mula sa kanila nang dinudungisan nila ang aking itinatanging lugar, papasukin ito ng mga tulisan at dudungisan ito! 23 Gumawa ka ng isang tanikala, sapagkat pinuno ang lupain ng paghahatol ng dugo at puno ng karahasan ang lungsod. 24 Kaya magdadala ako ng pinakamasama sa mga bansa at aangkinin nila ang kanilang mga tahanan at wawakasan ko ang pagmamataas ng makapangyarihan, sapagkat madudungisan ang kanilang banal na mga lugar. 25 Darating ang takot! Hahanapin nila ang kapayapaan, ngunit hindi ito masusumpungan! 26 Sunod-sunod na sakuna ang darating at magkakaroon ng sunod-sunod na bulung-bulungan! Pagkatapos, maghahanap sila ng pangitain mula sa isang propeta, ngunit mawawala ang kautusan mula sa mga pari at payo mula sa sa mga nakatatanda. 27 Magluluksa ang hari at ang prinsipe ay magdadamit ng kawalan, habang ang mga kamay ng mga tao sa lupain ay manginginig sa takot. Ayon sa sarili nilang kaparaanan, gagawin ko ito sa kanila! At hahatulan ko sila sa kanilang mga sariling pamantayan hanggang malaman nila na ako si Yahweh!'"
Chapter 8
1 At nangyari na sa ika-anim na taon at ika-anim na buwan sa ika-limang araw ng buwan, habang nakaupo ako sa aking bahay at nakaupo sa aking harapan ang mga nakatatanda ng Juda, ang kamay ng Panginoong Yahweh ay muling dumating sa akin doon. 2 Kaya tumingin ako, at pinagmasdan, mayroong larawan na tulad ng isang lalaki na may anyong tulad ng apoy mula sa kaniyang balakang pababa! At mayroong isang nagniningning na anyo na tulad ng kumikinang na metal mula sa kaniyang balakang pataas! 3 At inabot niya ang hugis ng isang kamay at dinala ako sa pamamagitan ng buhok ng aking ulo; itinaas ako ng Espiritu sa pagitan ng lupa at langit at sa mga pangitain mula sa Diyos, dinala niya ako sa Jerusalem, sa pasukan ng pinakaloob ng hilagang tarangkahan, kung saan nakatayo ang diyus-diyosang pumupukaw ng matinding paninibugho. 4 At ang kaluwalhatian ng Diyos ng Israel ay naroon, na ang anyo ay tulad ng aking nakita sa kapatagan. 5 Pagkatapos, sinabi niya sa akin, "Anak ng tao, ibaling mo ang iyong mga mata sa hilaga." Kaya ibinaling ko ang aking mga mata sa hilaga, at sa hilaga ng tarangkahan patungo sa altar, doon sa pasukan ay mayroong diyus-diyosan ng paninibugho. 6 Kaya sinabi niya sa akin, "Anak ng tao, nakikita mo ba ang kanilang ginagawa? Ito ay malaking pagkasuklam na ginawa ng sambahayan ng Israel dito upang lumayo ako mula sa aking sariling santuwaryo! Ngunit lumingon ka at makakakita ng mas malalaking pagkasuklam!" 7 At dinala niya ako sa pintuan ng patyo at tumingin ako, at mayroong isang butas sa pader. 8 Sinabi niya sa akin, "Anak ng tao, maghukay ka sa pader na ito." Kaya naghukay ako sa pader at mayroong isang pintuan! 9 At sinabi niya sa akin "Pumasok ka at tingnan ang kasamaang kasuklam-suklam na kanilang ginagawa rito." 10 Kaya pumasok ako at tumingin, at hala! Mayroong ibat-ibang anyo mula sa mga gumagapang hanggang sa mga kamuhi-muhing hayop! Bawat diyus-diyosan ng sambahayan ng Israel ay iniukit sa pader sa palibot. 11 Pitumpung nakatatanda ng sambahayan ng Israel ang nandoon at sa kanilang kalagitnaan ay nakatayo si Jaasanias na anak na lalaki ni Safan. Nakatayo sila sa harapan ng mga imahen at ang bawat tao ay may pangsuub sa kaniyang kamay upang ang amoy ng ulap ng insenso ay pumaitaas. 12 Pagkatapos, sinabi niya sa akin, "Anak ng tao, nakikita mo ba kung ano ang ginagawa sa dilim ng mga nakatatanda ng sambahayan ng Israel? Ginagawa ito ng bawat tao sa kaniyang nakatagong kamara kasama ng kaniyang diyus-diyosan, sapagkat sinasabi nila, ''Hindi kami nakikita ni Yahweh! Pinabayaan ni Yahweh ang lupain!"' 13 At sinabi niya sa akin, "Lumingon ka muli at tingnan ang ibang mas malaking pagkasuklam na kanilang ginagawa." 14 Ang sumunod, dinala niya ako sa pasukan ng tarangkahan ng tahanan ni Yahweh na naroon sa hilagang bahagi, at masdan ninyo! Ang mga kababaihang nakaupo roon ay nagluluksa para kay Tammuz. Kaya sinabi niya sa akin, 15 "Nakikita mo ba ito, anak ng tao? "Lumingon ka muli at tingnan ang ibang mas malaking pagkasuklam kaysa sa mga ito." 16 At dinala niya ako sa loobang patyo sa tahanan ni Yahweh, at hala! Sa pasukan ng templo ni Yahweh sa pagitan ng portiko at ng altar, mayroong halos dalawampu't limang kalalakihan na nakatalikod sa templo ni Yahweh at ang kanilang mga mukha ay nakaharap sa silangan at sumasamba sila kay Shemesh. 17 Sinabi niya sa akin, "Nakikita mo ba ito anak ng tao? Ito ba ay napakaliit na bagay para sa sambahayan ng Juda upang gawin ang mga nakasusuklam na ito na kanilang ginagawa rito? Sapagkat pinuno nila ang lupain ng karahasan at bumalik muli upang pukawin ang aking galit, naglalagay ng mga sanga sa kanilang mga ilong. 18 Kaya kikilos din ako sa kanila, hindi mahahabag ang aking mata sa kanila at hindi ko sila kaaawaan. Kahit tatawag sila sa aking mga tainga na may isang malakas na tinig, hindi ko sila diringgin!"
Chapter 9
1 Pagkatapos, narinig ko siyang umiyak ng may malakas na tinig, at sinabi, "Hayaan ninyong umakyat ang mga bantay sa lungsod, may pangwasak na sandata ang bawat isa sa kaniyang kamay." 2 At masdan! Dumating ang anim na lalaki mula sa daanan ng itaas na tarangkahan na nakaharap sa hilaga, may pangpatay na sandata ang bawat isa sa kaniyang kamay. At mayroong isang lalaki sa kanilang kalagitnaan na nakasuot ng lino na may kasamang kagamitan ng eskriba sa kaniyang tagiliran. Kaya pumasok sila at tumayo sa tabi ng altar na tanso. 3 At umakyat ang kaluwalhatian ng Diyos ng Israel mula sa kerubin na nasa bungad ng pintuan ng tahanan. At tinawag niya ang lalaking nakasuot ng lino na may kagamitan ng eskriba sa kaniyang tagiliran. 4 Sinabi ni Yahweh sa kaniya, "Dumaan ka sa kalagitnaan ng lungsod, ang kalagitnaan ng Jerusalem, at gumawa ng isang palatandaan sa mga noo ng mga lalaking naghihinagpis at nagbubuntong-hininga tungkol sa lahat ng mga kasuklam-suklam na naganap sa kalagitnaan ng lungsod." 5 Pagkatapos, narinig ko siyang nagsalita sa iba, "Dumaan kayo sa lungsod na kasunod niya at pumatay! Huwag ninyong hayaang magkaroon ng awa ang inyong mga mata, at huwag mahabag 6 maski alin sa matatanda, binata, dalaga, maliliit na mga bata o kababaihan. Patayin ninyo silang lahat! Ngunit huwag ninyong lapitan ang sinumang lalaki na may palatandaan sa kaniyang ulo. Magsimula kayo sa aking santuwaryo!" Kaya sinimulan nila sa matatandang lalaki na nasa harap ng bahay. 7 Sinabi niya sa kanila, "Dungisan ninyo ang bahay, at punuin ang mga patyo nito ng mga patay. Magpatuloy kayo!" Kaya lumabas sila at sinalakay ang lungsod. 8 At habang sinasalakay nila ito, natagpuan ko ang aking sariling nag-iisa at nagpatirapa ako at umiyak at sinabi, "O, Panginoong Yahweh! Lilipulin mo ba ang lahat ng natira sa Israel sa pagbubuhos ng iyong matinding galit sa Jerusalem?" 9 Sinabi niya sa akin, "Ang kasalanan ng sambahayan ng Israel at Juda ay napakalaki. Ang lupain ay puno ng dugo at ang lungsod ay puno ng kabuktutan, yamang sinasabi nila, 'Kinalimutan ni Yahweh ang lupain,' at 'Hindi na tinitingnan ni Yahweh!' 10 Kung gayon, hindi titingin nang may awa ang aking mata, at hindi ko sila kaaawaan. Sa halip, dadalhin ko ang lahat ng mga ito sa kanilang mga ulo." 11 At masdan ninyo! Bumalik ang taong nakasuot ng lino na may kagamitan ng eskriba sa kaniyang tagiliran. Ibinalita niya at sinabi, "Nagawa ko na ang lahat ng iyong ipinag-uutos."
Chapter 10
1 At tumingin ako sa pabilog na bubong na nasa itaas ng ulo ng kerubin; may lumitaw sa itaas nila tila isang sapiro na may anyong gaya ng isang trono. 2 At nagsalita si Yahweh sa lalaking nakasuot ng lino at sinabi, "Pumunta ka sa pagitan ng mga gulong, sa ilalim ng kerubin, at pareho mong punuin ang iyong mga kamay ng mga nagliliyab na baga mula sa pagitan ng kerubin at ikalat ang mga ito sa buong lungsod." At pumasok ang lalaki habang ako ay nakatingin. 3 Tumayo ang kerubin sa kanang bahagi ng tahanan nang pumasok ang lalaki, at pinuno ng ulap ang dakong loob ng patyo. 4 Pumaitaas ang kaluwalhatian ni Yahweh mula sa kerubin at tumayo sa bungad ng pintuan ng bahay; pinuno nito ang tahanan ng ulap, at puno ng liwanag ang patyo ng kaluwalhatian ni Yahweh. 5 At narinig ko ang tunog ng mga pakpak ng kerubin sa labas ng patyo, tulad sa tinig ng Makapangyarihang Diyos kapag siya ay nagsasalita. 6 At nangyari ito nang inutusan ng Diyos ang lalaking nakasuot ng lino at sinabi, "Kumuha ka ng apoy mula sa pagitan ng dalawang gulong na nasa pagitan ng kerubin," at pumasok ang lalaki at tumayo sa tabi ng isang gulong. 7 Inabot ng isang kerub ang kaniyang kamay sa pagitan ng kerubin sa apoy na nasa gitna ng kerubin, at itinaas ito at inalagay ito sa mga kamay ng isang nakasuot ng lino. Kinuha ito ng lalaki at nagpunta sa labas. 8 Nakita ko sa kerubin ang isang bagay na tulad ng isang kamay ng tao sa ilalim ng kanilang mga pakpak. 9 Kaya tumingin ako, at hala! Apat na gulong ang nasa tabi ng kerubin—isang gulong bawat kerub—at ang anyo ng mga gulong ay tulad ng isang batong berila. 10 Lumitaw silang apat na may pagkakahawig, tulad ng isang gulong na pinagsalikupan sa isa pang gulong. 11 Kapag gumalaw sila, pumunta sila sa kahit saanmang dako; hindi sila lumingon nang sila ay gumalaw sapagkat gumalaw sila patungo sa lugar kung saan nakaharap ang ulo. Hindi sila lumilingon kapag gumalaw na sila. 12 Ang kanilang buong katawan—kasama ang kanilang mga likod, mga kamay, at mga pakpak—ay natakpan ng mga mata, at tinakpan din ng mga mata ang palibot ng apat na mga gulong. 13 Habang nakikinig ako, tinawag ang mga gulong na, "Umiikot." 14 May apat na mukha ang bawat isa; ang unang mukha ay mukha ng isang kerub, ang ikalawang mukha ay mukha ng isang tao, ang ikatlo ay mukha ng isang leon, at ang ika-apat ay mukha ng isang agila. 15 At pumaitaaas ang kerubin—ito ang mga nabubuhay na nilalang na nakita ko sa Ilog Kebar. 16 Kapag gumalaw ang kerubin, ang mga gulong ay sumasama sa kanilang tabi; at kapag itataas ng kerubin ang kanilang mga pakpak upang pumaitaas mula sa lupa, hindi umiikot ang mga gulong. Nananatili ang mga ito sa kanilang tabi. 17 Kapag nakatayo pa rin ang mga kerubin, nananatili din ang mga gulong, at kapag pumapaitaas sila, pumapaitaas din ang mga gulong kasama nila, sapagkat ang espiritu ng nabubuhay na nilalang ay nasa mga gulong. 18 At umalis ang kaluwalhatian ni Yahweh mula sa ibabaw ng bungad ng pintuan ng bahay at tumayo sa ibabaw ng kerubin. 19 Itinaas ng kerubin ang kanilang mga pakpak at pumaitaas mula sa lupa sa aking paningin nang sila ay lumabas, at ganoon din ang ginawa ng mga gulong sa kanilang tabi. Tumayo sila sa silanganang pasukan sa tahanan ni Yahweh, at ang kaluwalhatian ng Diyos ng Israel ay dumating sa kanila mula sa itaas. 20 Ito ang mga nabubuhay na nilalang na nakita ko sa ibaba ng Diyos ng Israel sa kanal Kebar, kaya alam kong mga kerubin sila! 21 Mayroon silang apat na mukha bawat isa at apat na mga pakpak, at ang pagkakahawig ng mga kamay ng tao sa ilalim ng kanilang mga pakpak; 22 at ang pagkakahawig ng kanilang mga mukha ay tulad ng mga mukha na nakita ko sa pangitain sa kanal Kebar, at naunang pumaroon ng tuwiran ang bawat isa sa kanila.
Chapter 11
1 Pagkatapos itinaas ako ng Espiritu at dinala sa silanganang tarangkahan ng tahanan ni Yahweh na nakaharap sa silangan; at masdan ninyo! Sa pintuang-daanan ng tarangkahan ay may dalawampu't limang kalalakihan. Nakita ko si Jaazanias na anak na lalaki ni Azur, at Pelatia na anak na lalaki ni Benaias, mga pinuno ng mga tao ang nasa gitna nila. 2 Sinabi ng Diyos sa akin, "Anak ng tao, ito ang mga lalaking nag-iisip ng kasamaan, at ang nagpapasiya ng mga masasamang plano sa lungsod na ito. 3 Sinasabi nila, 'Ang panahon ng pagtatayo ng mga bahay ay hindi rito; ang lungsod na ito ang palayok, at tayo ang karne.' 4 Kaya magpropesiya ka laban sa kanila. Magpropesiya ka, anak ng tao!" 5 Pagkatapos, bumaba ang Espiritu ni Yahweh sa akin at sinabi niya sa akin, "Sabihin mo: Ito ang sinasabi ni Yahweh: gaya ng iyong sinasabi, Sambahayan ng Israel; sapagkat alam ko ang mga bagay na naiisip ninyo. 6 Pinarami ninyo ang mga taong inyong pinatay sa lungsod na ito at pinuno ninyo ang mga lansangan sa pamamagitan nila. 7 Kaya, ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh: Ang mga taong pinatay ninyo, na inyong inalatag ang mga katawan sa gitna ng Jerusalem, ay ang mga karne, at ang lungsod na ito ay ang palayok. Ngunit palalayasin kayo mula sa gitna ng lungsod na ito. 8 Kinatakutan ninyo ang espada, kaya dadalhin ko ang espada sa inyo—Ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh. 9 Dadalhin ko kayo palabas sa gitna ng lungsod, at ibibigay sa mga kamay ng mga dayuhan, sapagkat magdadala ako ng hatol laban sa inyo. 10 Babagsak kayo sa pamamagitan ng espada. Hahatulan ko kayo sa loob ng mga hangganan ng Israel kaya malalaman ninyo na ako si Yahweh! 11 Ang lungsod na ito ay hindi ninyo magiging lutuang palayok, ni magiging karne kayo sa kaniyang kalagitnaan. Hahatulan ko kayo sa loob ng mga hangganan ng Israel. 12 At malalaman ninyo na ako si Yahweh, ang kautusan na hindi ninyo nilakaran at ang mga utos na hindi ninyo tinupad. Sa halip, tinupad ninyo ang mga utos ng mga bansang nakapalibot sa inyo." 13 At nangyari ito habang ako ay nagpapahayag, namatay si Pelatia na anak na lalaki ni Benaias. Kaya nagpatirapa ako at umiyak ng may isang malakas na tinig at sinabi, "O, Panginoong Yahweh! Ganap mo bang lilipulin ang nalalabi sa Israel?" 14 Dumating sa akin ang salita ni Yahweh at sinabi, 15 "Anak ng tao, ang iyong mga kapatid! Ang iyong mga kapatid! Ang mga kalalakihan sa inyong angkan at ang lahat ng sambahayan ng Israel! Silang lahat na nagsabing mga naninirahan sa Jerusalem, 'Malayo na sila kay Yahweh! Ibinigay ang lupaing ito sa atin bilang ating pag-aari!' 16 Kaya sabihin mong, 'Sinasabi ito ng Panginoong Yahweh: bagaman inalis ko sila palayo sa mga bansa, at bagaman ikinalat ko sila sa mga lupain, gayunpaman ako ang naging isang santuwaryo para sa kanila sa isang sandali sa mga lupain kung saan sila pumunta.' 17 Kaya sabihin mong, 'Sinasabi ito ng Panginoong Yahweh: Titipunin ko kayo mula sa mga tao, at iipunin mula sa mga lupain kung saan kayo ikinalat, at ibibigay ko sa inyo ang lupain ng Israel!' 18 Pagkatapos, pupunta sila doon at tatanggalin ang bawat kamuhi-muhing bagay at pagkasuklam mula sa lugar na iyon. 19 At bibigyan ko sila ng isang puso, at lalagyan ng bagong espiritu kapag lumapit sila sa akin; tatanggalin ko ang pusong bato mula sa kanilang laman at bibigyan ko sila ng isang pusong laman, 20 upang lumakad sila sa aking mga kautusan, tutuparin nila ang aking utos at gawin ang mga ito. At magiging mga tao ko sila, at ako ang magiging Diyos nila. 21 Ngunit sa mga lumalakad ng may pagkabighani tungo sa kanilang kamuhi-muhing mga bagay at kanilang mga pagkasuklam, dadalhin ko ang kanilang gawa sa sarili nilang mga ulo. Ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh." 22 At itinaas ng kerubin ang kanilang mga pakpak at ang mga gulong na nasa tabi nila, at ang kaluwalhatian ng Diyos ng Israel ay pumaitaas sa ibabaw nila. 23 At umakyat ang kaluwalhatian ni Yahweh mula sa loob sa gitna ng lungsod at tumayo sa bundok sa silangan ng lungsod. 24 At itinaas ako ng Espiritu at dinala sa Caldea, sa mga binihag, sa pangitain mula sa Espiritu ng Diyos. At ang pangitaing aking nakita ay umakyat mula sa akin. 25 Pagkatapos, ihinayag ko sa mga bihag ang lahat ng mga bagay na ipinakita sa akin ni Yahweh.
Chapter 12
1 Dumating sa akin ang salita ni Yahweh at sinabi, 2 "Anak ng tao, naninirahan ka sa kalagitnaan ng mapanghimagsik na sambahayan kung saan may mga mata sila upang makakita ngunit hindi sila nakakakita at kung saan may mga tainga sila upang makarinig ngunit hindi nakikinig dahil mapanghimagsik sila na sambahayan! 3 Kaya ikaw, anak ng tao, ihanda mo ang iyong mga gamit para sa pagkakapatapon at simulan mong umalis sa umaga sa kanilang mga paningin, sapagkat sa kanilang mga paningin, ipapatapon kita mula sa iyong lugar patungo sa isa pang lugar. Marahil masisimulan nilang makita kahit pa mapanghimagsik sila na sambahayan. 4 At ilalabas mo sa umaga ang iyong mga gamit para sa pagkakatapon sa kanilang mga paningin, lumabas ka sa gabi sa kanilang mga paningin sa paraan kung paano maipapatapon ang sinuman. 5 Maghukay ka ng isang butas sa pader sa kanilang mga paningin at lumabas ka sa pamamagitan nito. 6 Sa kanilang mga paningin, pasanin mo ang iyong mga gamit sa iyong balikat at ilabas ang mga ito sa kadiliman. Takpan mo ang iyong mukha sapagkat hindi mo dapat makita ang lupain, yamang itinalaga kita bilang isang tanda sa sambahayan ng Israel." 7 Kaya ginawa ko ito gaya ng inutos sa akin. Inilabas ko ang aking mga gamit ng pagkakatapon sa umaga at sa gabi naghukay ako ng butas sa pader gamit ang aking kamay. Inilabas ko sa kadiliman ang aking mga gamit at pinasan ko ang mga ito sa aking balikat sa kanilang mga paningin. 8 At noong madaling araw, dumating sa akin ang salita ni Yahweh at sinabi, 9 "Anak ng tao, hindi ba nagtatanong sa iyo ang sambahayan ng Israel, ang mapanghimagsik na sambahayang iyon kung, 'Ano ang iyong ginagawa?' 10 Sabihin mo sa kanila, 'Ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh: para sa prinsipe ng Jerusalem ang gawain ng pagpapahayag na ito at sa lahat ng sambahayan ng Israel na kinalalakipan nila.' 11 Sabihin mo, 'Isa akong tanda sa inyo. Tulad ng aking ginawa, gayundin ang mangyayari sa kanila, maipapatapon sila at malalagay sa pagkabihag. 12 Papasanin ng kasama nilang prinsipe sa kaniyang mga balikat ang kaniyang mga gamit sa kadiliman at lalabas sa pamamagitan ng pader. Maghuhukay sila sa pader at ilalabas ang kanilang mga gamit. Tatakpan niya ang kaniyang mukha upang hindi niya makita ang lupain gamit ang kaniyang mga mata.' 13 Sasakluban ko siya ng aking lambat at mahuhuli siya sa aking bitag at dadalhin ko siya sa Babilonia, ang lupain ng mga Caldeo, ngunit hindi niya ito makikita. Doon siya mamamatay. 14 Ikakalat ko rin sa lahat ng dako ang lahat ng mga nakapalibot sa kaniya na tutulong sa kaniya at ng kaniyang buong hukbo at magpapadala ako ng espada sa kanilang likuran. 15 At malalaman nila na Ako si Yahweh, kapag ikinalat ko sila sa mga bansa at pinaghiwa-hiwalay ko sila sa buong lupain. 16 Ngunit magtitira ako ng ilang mga kalalakihan sa kanila mula sa espada, taggutom at salot nang sa gayon ay maitala nila ang lahat ng kanilang mga kasuklam-suklam na mga gawain sa lupain kung saan ko sila dinala upang malaman nila na Ako si Yahweh!" 17 Dumating sa akin ang salita ni Yahweh at sinabi, 18 "Anak ng tao, kainin mo ang iyong tinapay nang may panginginig at inumin mo ang iyong tubig nang may pangangatal at pag-aalala. 19 At sabihin mo sa mga tao sa lupain, 'Ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh para sa mga naninirahan sa Jerusalem at sa lupain ng Israel: Kakainin nila ang kanilang tinapay nang may panginginig at iinumin ang kanilang tubig habang nangangatal, yamang masasamsam ang lupain at kabuuan nito dahil sa karahasan ng lahat ng mga naninirahan doon. 20 Kaya mapapabayaan ang mga pinaninirahang lungsod at magiging kaparangan ang lupain; kaya malalaman ninyo na Ako si Yahweh!'" 21 Muling dumating sa akin ang salita ni Yahweh at sinabi, 22 "Anak ng tao, ano itong kasabihang mayroon kayo sa lupain ng Israel na nagsasabing, 'Matagal pa ang mga araw at hindi natutupad ang bawat pangitain?' 23 Kaya sabihin mo sa kanila, 'Sinasabi ito ng Panginoong Yahweh: Lalagyan ko ng katapusan ang kasabihang ito upang hindi na ito magamit pa ng mga Israelita kailanman.' At ipahayag mo sa kanila, 'Nalalapit na ang mga araw at maihahayag ang bawat pangitain!' 24 Sapagkat hindi na magkakaroon ng anumang mga pangitaing hindi totoo o mga pagtatanging panghuhula sa loob ng sambahayan ng Israel. 25 Sapagkat ako si Yahweh! Nagsasalita ako at isinasagawa ko ang lahat ng mga salitang sinasabi ko. Hindi na magtatagal ang bagay na ito. Sapagkat ihahayag ko ang mga salitang ito sa inyong mga araw, kayo na mga mapanghimagsik na sambahayan, at isasagawa ko ang mga ito! —Ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh." 26 Muling dumating sa akin ang salita ni Yahweh at sinabi, 27 "Anak ng tao, tingnan mo! 'Sinabi ng sambahayan ng Israel, 'Matagal pang mangyayari mula sa araw na ito ang pangitain na kaniyang nakikita at matatagalan pa ang kaniyang mga ipinahayag.' 28 Kaya sabihin mo sa kanila, 'Ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh: Hindi na maaantala ang aking mga salita ngunit mangyayari ang mga salitang sinabi ko! —Ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh!'"
Chapter 13
1 Muling dumating sa akin ang salita ni Yahweh at sinabi, 2 "Anak ng tao, magpahayag ka laban sa mga propetang nagpapahayag sa Israel at sabihin mo sa mga nagpapahayag mula sa kanilang mga sariling isipan, 'Makinig kayo sa salita ni Yahweh! 3 Ito ang sinabi ng Panginoong Yahweh, 'Kaawa-awa ang mga hangal na propeta na sinusunod ang kanilang sariling diwa, ngunit wala namang nakita! 4 Israel, parang naging mga asong gubat sa mga kaparangan ang inyong mga propeta. 5 Hindi ninyo pinuntahan ang mga bitak sa pader sa palibot ng sambahayan ng Israel para ayusin ito upang makalaban sa digmaan sa araw ni Yahweh. 6 May mga pangitaing hindi totoo ang mga tao at gumagawa ng mga panghuhulang hindi totoo, ang mga nagsasabi, "Ito ang mga pahayag ni Yahweh." Hindi sila isinugo ni Yahweh, ngunit gayon pa man, pinapaasa nila ang mga tao na magkakatotoo ang kanilang mga mensahe. 7 Hindi ba may mga pangitain kayo na hindi totoo at gumagawa kayo ng mga panghuhulang hindi totoo, kayo na mga nagsasabi, "Ito ang mga pahayag ni Yahweh" kahit hindi ko naman ito sinabi?' 8 Kaya ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh, 'Dahil nagkaroon kayo ng mga pangitaing hindi totoo at nagsabi ng mga kasinungalingan—kaya ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh laban sa inyo: 9 Magiging kalaban ng aking kamay ang mga propetang may mga pangitaing kasinungalingan at gumagawa ng mga panghuhulang hindi totoo. Hindi sila mapapabilang sa pagtitipon ng aking mga tao o maitatala sa talaan ng sambahayan ng Israel, hindi sila dapat makapunta sa lupain ng Israel. Sapagkat malalaman ninyo na Ako ang Panginoong Yahweh! 10 Dahil dito at dahil pinangunahan nila ang aking mga tao upang mailigaw at sinabi, "Kapayapaan! kahit walan namang kapayapaan, nagpapatayo sila ng mga pader na kanilang pipintahan ng kalburong pampinta.' 11 Sabihin mo sa mga nagpipinta ng kalburong pampinta sa pader, "Guguho ito, magkakaroon ng malakas na pagbuhos ng ulan at magpapadala ako ng mga ulan na may kasamang yelo upang pabagsakin ito at isang napakalakas na hangin upang masira ito. 12 Tingnan ninyo, babagsak ang pader. Hindi ba sinabi ng iba sa inyo, "Nasaan na ang kalburong pampinta na inyong itinapal dito?"' 13 Kaya ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh, "Magpapadala ako ng napakalakas na hangin dahil sa aking galit at magkakaroon ng pagbaha ng ulan dahil sa aking poot! Ganap na sisirain ito ng ulan na may kasamang yelo dahil sa aking galit! 14 Sapagkat pababagsakin ko ang pader na pinintahan ng kalburong pampinta at pababagsakin ko ito sa lupa at mabubuwal hanggang sa pundasyon nito. Kaya babagsak ito at malilipol kayong lahat sa kalagitnaan nito. At malalaman ninyo na Ako si Yahweh! 15 Sapagkat lilipulin ko sa aking matinding galit ang pader at ang mga nagpinta nito ng kalburong pampinta. Sasabihin ko sa inyo, "Mawawala na ang pader maging ang mga taong nagpinta nito ng kalburong pampinta— 16 ang mga propeta ng Israel na nagpahayag tungkol sa Jerusalem at ang mga may pangitain ng kapayapaan para sa kaniya. Ngunit walang kapayapaan! —ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh."' 17 Kaya ikaw, anak ng tao, humarap ka laban sa mga babaeng anak ng iyong mga tao na nagpapahayag mula sa kanilang mga sariling isipan at magpahayag ka laban sa kanila. 18 Sabihin mo, 'Ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh: "Kaawa-awa ang mga kababaihang gumagawa ng mga agimat sa lahat ng bahagi ng kanilang mga kamay at gumagawa ng mga talukbong na may iba't ibang sukat para sa kanilang mga ulo na ginagamit upang makabihag ng mga tao. Bibihagin ba ninyo ang aking mga tao ngunit ililigtas ang inyong mga sariling buhay? 19 Nilapastangan ninyo ako sa harap ng aking mga tao para lamang sa sandakot na sebada at mga durog na tinapay upang patayin ang mga tao na hindi naman dapat mamatay at upang pangalagaan ang buhay ng mga hindi dapat manatiling buhay, dahil sa mga kasinungalingan ninyo sa aking mga tao na nakarinig sa inyo. 20 Kaya ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh, "Tutol ako sa mga agimat na inyong ginamit upang mabitag ang buhay ng mga tao na parang mga ibon. Sa katunayan, hahablutin ko ang mga ito mula sa inyong mga braso at hahayaan kong lumaya ang mga taong nabihag ninyo na parang mga ibon—pakakawalan ko sila. 21 Pupunitin ko ang inyong mga talukbong at ililigtas ko ang aking mga tao mula sa inyong kamay upang hindi na sila muling mabihag sa inyong mga kamay. At malalaman ninyo na Ako si Yahweh! 22 Dahil pinahina ninyo ang puso ng matuwid na tao sa pamamagitan ng mga kasinungalingan, kahit na hindi ko ninais ang kaniyang kawalan ng pag-asa, at sa halip, hinimok ninyo ang gawain ng masasamang tao upang hindi siya tumalikod mula sa kaniyang kaparaanan upang mailigtas ang kaniyang buhay— 23 kaya hindi na kayo magkakaroon pa ng mga pangitang hindi totoo o magpatuloy na gumawa ng mga panghuhulang hindi totoo sapagkat ililigtas ko ang aking mga tao mula sa inyong kamay. At malalaman ninyo na Ako si Yahweh!"'
Chapter 14
1 Pumunta sa akin ang ilang mga nakatatanda ng Israel at umupo sa aking harapan. 2 At dumating sa akin ang salita ni Yahweh at sinabi, 3 "Anak ng tao, taglay ng mga kalalakihang ito ang kanilang mga diyus-diyosan sa kanilang mga puso at inilagay ang katitisuran ng kanilang kasamaan sa harap ng kanilang mga sariling mukha. Dapat ba silang sumangguni sa akin? 4 Kaya ipahayag mo ito sa kanila at sabihin mo sa kanila, 'Ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh: 'Ang bawat tao sa sambahayan ng Israel na nagtataglay ng kaniyang diyus-diyosan sa kaniyang puso o ang naglalagay ng katitisuran ng kaniyang kasamaan sa kaniyang harapan at ang pupunta sa propeta—ako si Yahweh, sasagutin ko siya ayon sa bilang ng kaniyang mga diyus-diyosan. 5 Gagawin ko ito upang mabawi ko ang sambahayan ng Israel, ang kanilang mga puso na inilayo sa akin sa pamamagitan ng kanilang mga diyus-diyosan!' 6 Kaya sabihin mo sa sambahayan ng Israel, 'Sinasabi ito ng Panginoong Yahweh: Magsisi na kayo at talikuran na ninyo ang inyong mga diyus-diyosan! Tumalikod na kayo sa lahat ng inyong mga kasuklam-suklam na gawain! 7 Sapagkat ang bawat isa na mula sa sambahayan ng Israel at ang bawat isa na mga dayuhang naninirahan sa Israel na lumayo sa akin, na taglay ang kaniyang mga diyus-diyosan sa kaniyang puso at inilagay ang katitisuran ng kaniyang kasamaan sa harap ng kaniyang sariling mukha, at pupunta sa isang propeta upang hanapin ako—Ako, si Yahweh ang mismong sasagot sa kaniya! 8 Kaya haharap ako laban sa taong iyon at gagawin ko siyang isang tanda at isang kawikaan, sapagkat ihihiwalay ko siya sa kalagitnaan ng aking mga tao, at malalaman ninyo na Ako si Yahweh! 9 Kapag nilinlang ang isang propeta at nagsabi ng isang mensahe, at ako, si Yahweh, lilinlangin ko ang propetang iyon, iuunat ko ang aking kamay laban sa kaniya at wawasakin ko siya sa kalagitnaan ng aking mga Israelita. 10 At papasanin nila ang kanilang sariling kasamaan; ang kasamaan ng propeta ay magiging katulad ng kasamaan ng mga sumasangguni sa kaniya. 11 Dahil dito, hindi na lilihis sa pagsunod sa akin ang sambahayan ng Israel o ni dudungisan ang kanilang mga sarili sa lahat ng kanilang mga pagsuway kailanman. Magiging mga tao ko sila at ako ang kanilang magiging Diyos—Ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh!"' 12 At dumating sa akin ang salita ni Yahweh at sinabi, 13 "Anak ng tao, kapag nagkasala ang isang lupain laban sa akin sa pamamagitan ng paggawa ng kasalanan upang iunat ko ang aking kamay laban dito at babaliin ang tungkod ng tinapay nito at magpapadala ako sa kaniya ng taggutom at papatayin ang tao at hayop mula sa lupain; 14 at kahit na ang tatlong kalalakihang ito—Noe, Daniel, at Job—ay nasa kalagitnaan ng lupain, maililigtas lamang nila ang sarili nilang buhay sa pamamagitan ng kanilang pagiging matuwid—Ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh. 15 Kung magpapadala ako ng mga mababangis na hayop sa lupain at gawin itong tigang upang maging kaparangan na walang mga tao ang makakadaan dahil sa mga mababangis na hayop, 16 at kahit pa naroon ang mga dating tatlong kalalakihan na ito—habang ako ay nabubuhay, ang pahayag ng Panginoong Yahweh—hindi nila maililigtas kahit pa ang kanilang mga sariling anak na lalaki at babae, ang sariling buhay lamang nila ang maililigtas, ngunit magiging kaparangan ang lupain! 17 O kung magpapadala man ako ng espada laban sa lupain na iyon at sabihin, 'Espada, pumunta ka sa mga lupain at patayin mo ang tao at hayop mula rito'— 18 at kahit pa nasa kalagitnaan ng lupain ang tatlong kalalakihang ito—habang ako ay nabubuhay, ang pahayag ng Panginoong Yahweh—hindi nila maililigtas kahit pa ang kanilang mga sariling anak na lalaki at babae, ang sarili lamang nilang buhay ang kanilang maililigtas. 19 O kung magpapadala man ako ng salot laban sa lupain na ito at ibubuhos ko ang aking matinding galit laban dito sa pamamagitan ng pagdanak ng dugo upang patayin ang mga tao at hayop 20 at kahit pa nasa lupaing iyon sina Noe, Daniel, at Job—habang ako ay buhay, ang pahayag ng Panginoong Yahweh—hindi nila maililigtas kahit pa ang kanilang mga sariling anak na lalaki at babae, ang sarili lamang nilang buhay ang kanilang maililigtas sa pamamagitan ng kanilang pagiging matuwid. 21 Sapagkat ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh: tinitiyak kong magiging malala ang lahat ng bagay sa pamamagitan ng ipapadala kong apat na kaparusahan—taggutom, espada, mababangis na hayop at salot—laban sa Jerusalem upang patayin ang mga tao at hayop mula sa kaniya. 22 Gayunman, tingnan mo! May mga matitira sa kaniya, mga nakaligtas na lalabas kasama ang mga anak na lalaki at babae. Tingnan mo! Lalabas sila mula sa iyo at makikita mo ang kanilang mga kaparaanan at mga kilos at maaaliw hinggil sa kaparusahan na aking ipinadala sa Jerusalem at tungkol sa lahat ng mga bagay na aking ipinadala laban sa lupain. 23 Aaliwin ka ng mga nakaligtas kapag makikita mo ang kanilang mga kaparaanan at ang kanilang mga kilos kaya malalaman mo na ginawa ko ang lahat ng bagay na ito laban sa kaniya na hindi ko ito ginawa sa kanila nang walang kabuluhan! —Ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh!"
Chapter 15
1 Pagkatapos, dumating sa akin ang salita ni Yahweh at sinabi, 2 “Anak ng tao, paanong mas higit ang isang puno ng ubas kaysa sa anumang punong may mga sanga na nasa isang kagubatan? 3 Makakakuha ba ng kahoy ang mga tao mula sa puno ng ubas upang gumawa ng anumang bagay? O makakagawa ba sila ng tulos mula dito upang pagsabitan ng anumang bagay? 4 Tingnan mo! Kung ihahagis ito sa apoy bilang panggatong, at kung natupok na ng apoy ang magkabilang dulo nito, pati na ang gitna, may pakinabang pa ba ito? 5 Tingnan mo! Nang ito ay buo pa, walang magagawang anumang bagay dito, kapag nasunog ng apoy, tiyak na hindi pa rin ito mapakikinabangan! 6 Kaya ito ang sinabi ng Panginoong Yahweh, di gaya ng mga puno sa mga kagubatan, ibinigay ko ang puno ng ubas bilang panggatong sa apoy; ganoon ding paraan ang gagawin ko sa mga naninirahan sa Jerusalem. 7 Sapagkat itatakda ko ang aking mukha laban sa kanila. Kahit na makalabas sila mula sa apoy, matutupok parin sila ng apoy, kaya malalaman ninyo na ako si Yahweh, kapag itinakda ko ang aking mukha laban sa kanila. 8 At gagawin kong tinalikuran at walang naninirahan ang kanilang lupain dahil sa ginawa nilang kasalanan—Ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh!"
Chapter 16
1 At dumating ang salita ni Yahweh sa akin at sinabi, 2 “Anak ng tao, ipaalam mo sa Jerusalem ang tungkol sa kaniyang mga gawang kasuklam-suklam, 3 at ipahayag, 'Ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh sa Jerusalem: Nangyari ang iyong pasimula at kapanganakan sa lupain ng Canaan; isang Amoreo ang iyong ama at isang Heteo ang iyong ina. 4 Sa araw ng iyong kapanganakan, hindi pinutol ng iyong ina ang iyong pusod, ni hindi ka niya nilinisan sa tubig o kinuskos ng asin o binalot ng tela. 5 Walang matang nahabag sa iyo upang gawin sa iyo ang alinman sa mga bagay na ito, ang mahabag sa iyo! Sa araw na ipinanganak ka, habang naliligo sa sarili mong dugo, mayroong nasuklam sa iyong buhay, itinapon ka sa isang malawak na kaparangan. 6 Ngunit nadaanan kita at nakita kitang naliligo sa iyong sariling dugo, kaya sinabi ko sa iyo habang duguan, "Mabuhay ka!" 7 Pinalaki kitang katulad ng isang halaman sa isang kaparangan. Dumami ka at naging tanyag, at napalamutian ng mga hiyas. Namuo ang iyong dibdib at kumapal ang iyong buhok, ngunit ikaw ay hubo't hubad parin. 8 Nadaanan kitang muli, at nakita kita at tingnan mo! Dumating na sa iyo ang oras ng pag-ibig kaya sinuotan kita ng balabal at tinakpan ang iyong kahubaran. Pagkatapos, nangako ako sa iyo at dinala kita sa isang kasunduan—ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh—at ikaw ay naging akin. 9 Kaya hinugasan kita ng tubig at binanlawan ko ang iyong dugo mula sa iyo, at pinahiran kita ng langis. 10 Dinamitan kita ng mga naburdahang damit at nilagyan ng balat na sandalyas ang iyong paa, binalot kita ng pinong lino at tinakpan ng sedang damit. 11 Ang sumunod, pinalamutian kita ng mga alahas at nilagyan ko ng pulseras ang iyong mga kamay at kuwintas sa iyong leeg. 12 Nilagyan ko ng hikaw ang iyong ilong at tainga at isang magandang korona sa iyong ulo. 13 Kaya napalamutian ka ng ginto at pilak at nadamitan ka ng pinong lino, sedang damit at mga binurdahang damit; kumain ka ng pinakamainam na harina, pulot-pukyutan, at langis, at napakaganda mo, at ikaw ay naging isang reyna. 14 Lumaganap ang iyong katanyagan sa mga bansa dahil sa iyong kagandahan, sapagkat ito ay ganap sa karangyaang ibinigay ko sa iyo—ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh. 15 Ngunit nagtiwala ka sa iyong sariling kagandahan, at kumilos kang tulad ng mga babaeng bayaran dahil sa iyong katanyagan; ibinuhos mo ang iyong gawaing kahalayan sa sinumang dumaraan. Naging pag-aari ka ng mga kalalakihang iyon! 16 Pagkatapos, hinubad mo ang iyong mga damit at gumawa kang kasama nila ng mga dambanang pinalamutian ng iba't ibang kulay, at kumilos ka sa kanilang tulad ng isang babaeng bayaran. Hindi ito dapat dumating! Hindi ito dapat nangyari! 17 Kinuha mo ang mga magagandang alahas na ginto at pilak na ibinigay ko sa iyo, at gumawa ka ng mga anyong lalaki para sa iyong sarili, at gumawa kang kasama nila ng mga gawaing katulad ng ginagawa ng babaeng bayaran. 18 Kinuha mo ang iyong mga naburdahang kasuotan at ibinalot mo sa kanila, at inilagay mo sa kanila ang aking mga langis at mga pabango. 19 At ang aking mga tinapay na gawa sa mga pinong harina, langis at pulot-pukyutan na ibinigay ko sa iyo— mga ipinakain ko sa iyo! — inilagay mo sa harapan nila upang magdulot ng matamis na amoy. Tunay nga itong nangyari! —ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh. 20 Pagkatapos ay kinuha mo ang iyong mga lalaki at babaeng anak na iyong isinilang para sa akin at iyong inialay sa mga imahe upang lamunin bilang pagkain. Maliit na bagay ba ang iyong ginagawang kahalayan? 21 Pinatay mo ang aking mga anak at inialay mo silang handog sa mga imahe sa pamamagitan ng apoy. 22 Sa lahat ng iyong gawaing kasuklam-suklam at kahalayan, hindi mo inisip ang tungkol sa mga araw ng iyong kabataan, nang ikaw ay hubo't hubad na nagugumon sa iyong dugo. 23 Kaawa-awa! Kaawa-awa ka! —ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh—samakatuwid, dagdag pa sa lahat ng iyong kasamaan, 24 nagtayo ka sa iyong sarili ng altar at gumawa ka ng dambana sa bawat pampublikong lugar. 25 Nagtayo ka ng mga dambana sa ulo ng bawat lansangan at nilapastangan mo ang iyong kagandahan sapagkat ibinuka mo ang iyong mga hita sa bawat isang dumaraan at gumawa ka ng marami pang mga gawaing kahalayan. 26 Kumilos kang parang bayarang babae sa mga taga-Egipto, ang iyong karatig-bansang may labis na mahalay na pagnanasa, at gumawa ka ng maraming mga mahahalay na gawain upang galitin ako. 27 Kaya tingnan mo! Hahampasin kita gamit ang aking kamay at ititigil ko ang iyong pagkain. Ibibigay ko ang iyong buhay sa iyong mga kaaway, ang mga babaeng anak ng mga Filisteo, upang hiyain ka dahil sa iyong mahahalay na pag-uugali. 28 Kumilos kang tulad ng mga babaeng bayaran kasama ang mga taga-Asiria sapagkat hindi ka nasiyahan. Kumilos ka tulad ng isang babaeng bayaran at hindi pa rin nasiyahan. 29 At patuloy kang gumawa ng marami pang kahalayan sa mga lupain ng mga mangangalakal ng Caldea, ngunit maging dito ay hindi ka nasiyahan. 30 Bakit napakahina ng iyong puso? —ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh—upang gawin mo ang mga bagay na ito, gawain ng isang mapangalunya at walang hiyang babae? 31 Noong itinayo mo ang mga dambana sa ulo ng bawat lansangan at gumawa ka ng iyong mga dambana sa bawat pampublikong lugar, hindi ka talaga isang babaeng bayaran, sapagkat tumanggi kang magpabayad sa iyong mga ginawa! 32 Ikaw babaeng nakikiapid, tinatanggap mo ang mga hindi mo kilalang tao sa halip na ang iyong asawa! 33 Binabayaran ng mga tao ang bawat babaeng bayaran, ngunit ibinibigay mo ang iyong mga kinita sa iyong mga mangingibig at sinusuhulan mo sila upang pumunta sa iyo mula sa lahat ng dako para sa iyong mga mahahalay na gawain. 34 Kaya mayroon kang kaibahan sa ibang mga babaeng iyon, yamang walang tumatawag sa iyo upang makisiping sa kanila. Sa halip, binabayaran mo sila! Walang nagbabayad sa iyo. 35 Kung gayon, ikaw babaeng bayaran, makinig ka sa salita ni Yahweh! 36 Sinabi ito ng Panginoong Yahweh: Dahil ibinuhos mo ang iyong pagnanasa at inihayag mo ang iyong mga nakatagong bahagi sa pamamagitan ng iyong mahahalay na gawain kasama ang iyong mga mangingibig at ang iyong mga kasuklam-suklam na mga diyus-diyosan, at dahil sa mga dugo ng iyong mga anak na ibinigay mo sa iyong mga diyus-diyosan; 37 kaya tingnan mo! Titipunin ko ang lahat ng mga nakilala mong mangingibig, lahat ng inibig mo at lahat ng kinamuhian mo, at titipunin ko sila laban sa iyo sa lahat ng dako. Ilalantad ko sa kanila ang mga pribado mong bahagi upang makita nila ang lahat ng iyong kahubaran! 38 Sapagkat parurusahan kita sa iyong pangangalunya at sa pagdanak ng dugo at dadalhin ko sa iyo ang dugo ng aking galit at paninibugho! 39 Ibibigay kita sa kanilang mga kamay upang kanilang pabagsakin ang iyong mga altar at wasakin ang iyong mga dambana, pagkatapos ay huhubarin nila ang iyong damit at kukunin ang lahat ng iyong alahas, at iiwanan ka nilang hubo't hubad. 40 At magdadala sila ng maraming tao laban sa iyo at babatuhin ka ng mga bato, at hahatiin ka nila sa pamamagitan ng kanilang mga espada. 41 At susunugin nila ang iyong mga bahay at gagawa sila ng maraming pagpaparusa sa iyo sa harap ng maraming mga babae, sapagkat patitigilin ko na ang iyong pagbebenta ng aliw at hindi ka na muling magbabayad ng kahit sino pa sa kanila! 42 Pagkatapos, pahuhupain ko ang aking poot laban sa iyo, mawawala ang galit ko sa iyo, sapagkat ako ay masisiyahan at hindi na ako magagalit. 43 Sapagkat hindi mo inalala ang mga araw ng iyong kabataan nang hinayaan mong manginig ako sa galit sa lahat ng mga bagay na ito—pagmasdan! Ako mismo ang magdadala ng kaparusahan sa ikinilos mo sa sarili mong ulo dahil sa iyong gawain—ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh—upang hindi ka na muling gagawa ng mga kasamaan sa lahat ng iyong kasuklam-suklam na kaparaanan! 44 Masdan ninyo! Bawat isang nagsasabi ng mga kawikaan tungkol sa iyo ay magsasabing, "Katulad ng ina, gayon din ang kaniyang anak." 45 Ikaw ang babaeng anak ng iyong ina, na kinamuhian ang kaniyang asawa at mga anak; at ikaw ang kapatid ng mga babae mong kapatid na kinamuhian ang kanilang mga asawa at kanilang mga anak. Isang Heteo ang iyong ina at isang Amoreo ang iyong ama. 46 Ang Samaria ang iyong nakatatandang kapatid na babae at ang kaniyang mga anak na babae ay ang mga naninirahan sa hilaga, habang ang iyong nakababatang kapatid na babae ay ang naninirahan sa katimugan mong bahagi, na ang Sodoma at ang kaniyang mga anak babae. 47 Ngayon, huwag ka nang lumakad sa kanilang mga pamamaraan o batay sa kanilang mga ginagawang kasuklam-suklam, na para bang napakaliliit na bagay ang mga iyon. Totoo ngang sa lahat ng iyong kaparaanan, naging mas masahol ka pa kaysa sa kanila. 48 Ako ay buhay—ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh—Sodoma, ang iyong mga kapatid na babae at ang kaniyang mga anak na babae ay hindi gumawa ng kasamaang higit kaysa sa mga ginawa mo at ng iyong mga anak na babae! 49 Pakinggan mo! Ito ang naging kasalanan ng Sodoma na iyong kapatid: malaya siyang nagmataas, walang malasakit at walang pakialam sa anumang bagay. Hindi niya pinalakas ang mga kamay ng mga mahihirap at mga taong nangangailangan. 50 Siya ay nagmataas at gumawa ng mga gawaing kasuklam-suklam sa aking harapan, kaya inalis ko sila gaya ng nakita mo. 51 Hindi gumawa ang Samaria ni kahit kalahati man lang ng iyong mga kasalanan; sa halip, mas marami ka pang ginawang kasuklam-suklam na bagay kaysa sa kanila, at ipinakita mong mas mabuti pa sa iyo ang mga kapatid mong babae dahil sa lahat ng mga kasuklam-suklam na mga bagay na iyong ginagawa! 52 Lalong lalo ka na, ipakita mo ang sarili mong kahihiyan, sa ganitong paraan, ipinakita mong mas mabuti ang iyong mga kapatid kaysa sa iyo, dahil sa lahat ng mga ginawa mong kasuklam-suklam na pagkakasala. Ang iyong mga kapatid ay parang mas mabuti sa iyo. Lalong lalo ka na, ipinakita mo ang iyong sariling kahihiyan, sa ganitong paraan, ipinakita mong mas mabuti ang iyong mga kapatid kaysa sa iyo. 53 Sapagkat ibabalik ko ang kanilang mga kayamanan—ang mga kayamanan ng Sodoma at ng kaniyang mga babaeng anak, at ang mga kayamanan ng Samaria at ng kaniyang mga babaeng anak; ngunit ang iyong kayamanan ay nasa kanilang kalagitnaan. 54 Sa pananagutan ng mga bagay na ito, ipapakita mo ang iyong kahihiyan, mapapahiya ka dahil sa lahat ng mga bagay na iyong ginawa, at sa ganitong paraan, magiging kaaliwan ka para sa kanila. 55 Kaya ang iyong kapatid na Sodoma at ang kaniyang mga babaeng anak ay maibabalik sa kanilang dating kalagayan, at maibabalik sa Samaria at sa kaniyang mga babaeng anak ang kanilang dating kayamanan. Pagkatapos, ikaw at ang iyong mga babaeng anak ay maibabalik sa inyong dating kalagayan. 56 Ang Sodoma na iyong kapatid ay hindi man lang nabanggit ng iyong bibig sa mga araw na ikaw ay nagmataas, 57 bago naihayag ang iyong kasamaan. Ngunit ngayon, ikaw ay tampulan ng pagkasuklam sa mga babaeng anak ng Edom at ng lahat ng mga babaeng anak ng mga Filisteo sa kaniyang palibot. Kinamumuhian ka ng lahat ng tao. 58 Ipapakita mo ang iyong kahihiyan at ang iyong mga kasuklam-suklam na kilos! —ito ang pahayag ni Yahweh! 59 Sinabi ito ng Panginoong Yahweh: Ituturing kita katulad ng pagturing ko sa sinumang taong lumimot sa kaniyang sinumpaang pangako upang sirain ang isang tipan. 60 Ngunit aalalahanin ko sa aking isipan ang ginawa kong kasunduan sa iyo noong bata ka pa, at gagawa ako sa iyo ng isang kasunduang walang hanggan. 61 Pagkatapos, maaalala mo ang iyong dating pamumuhay at mapapahiya kapag tinanggap mo ang iyong mga nakatatanda at nakababatang kapatid na babae. Ibibigay ko sila sa iyo bilang mga babaeng anak, ngunit hindi dahil sa iyong tipan. 62 Itatatag ko mismo ang aking kasunduan sa iyo at malalaman mong ako si Yahweh! 63 Dahil sa mga bagay na ito, maaalala mo ang lahat ng bagay sa iyong isipan at mapapahiya ka, kaya hindi mo na muling maibubuka ang iyong bibig upang magsalita dahil sa iyong kahihiyan, kapag pinatawad na kita sa lahat ng iyong ginawa—ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh.'"
Chapter 17
1 Ang salita ni Yahweh ay dumating sa akin at sinabi, 2 "Anak ng tao, maghayag ka ng isang bugtong at magsalita ka ng isang talinghaga sa sambahayan ng Israel. 3 Sabihin mo, 'Ito ang sinabi ng Panginoong Yahweh: Ang isang malaking agila na may malaki at mahabang pakpak, makapal ang mga balahibo, at may ibat' ibang kulay ay nagtungo sa Lebanon at dumapo sa itaas na bahagi ng puno ng sedar. 4 Pinutol nito ang mga dulo ng mga sanga at dinala ang mga ito sa lupain ng Canaan; itinanim niya ito sa lungsod ng mga mangangalakal. 5 Kumuha rin siya ng ilang binhi sa lupa at itinanim ito sa lupang handa nang taniman. Itinanim niya ito sa tabi ng malawak na bahagi ng tubig katulad ng punong kahoy na tinatawag na wilow. 6 At pagkatapos tumubo ito at naging isang gumagapang na baging pababa sa lupa. Ang bawat mga sanga nito ay patungo sa kaniya, at ang mga ugat nito ay lumago sa ilalim nito. Kaya ito ay naging isang baging at nagkaroon ng mga sanga at umusbong. 7 Subalit may isa pang napakalaking agila na may mga malaking pakpak at maraming balahibo. At tingnan mo! Ang baging at ang kaniyang mga ugat ay humarap sa agila, at kumalat ang mga sanga patungo sa agila mula sa lugar kung saan ito nakatanim upang ito ay matubigan. 8 Ito ay nakatanim sa magandang lupa sa tabi ng malawak na bahagi ng tubig upang ito ay magkaroon ng maraming sanga at mamunga, upang maging kahangahangang baging! 9 Sabihin mo sa mga tao, 'Sinasabi ito ng Panginoong Yahweh: Ito ba ay yayabong? Hindi ba niya bubunutin ang mga ugat at pipitasin ang mga bunga nito kaya ang lahat ng malagong mga dahon ay matutuyo? Walang malakas na braso o maraming tao ang mga makakabunot ng mga ugat nito. 10 Kaya tingnan mo! Pagkatapos itong maitanim, lalago ba ito? hindi ba ito malalanta kapag ito ay dadampian ng hanging mula sa silangan? Ito ay ganap na matutuyo sa kaniyang kinatataniman.'" 11 Pagkatapos, ang salita ni Yahweh ay dumating sa akin at sinabi, 12 "Sabihin mo sa mga mapanghimagsik na sambahayan, 'Hindi ba ninyo alam ang ibig sabihin ng mga bagay na ito? Tingnan mo! Ang hari ng Babilonia ay nagpunta sa Jerusalem at kinuha ang hari at ang kaniyang mga prinsipe at dinala sila sa kaniya sa Babilonia. 13 Pagkatapos ay kumuha siya ng maharlikang kaapu-apuhan at gumawa sila ng kasunduan, at pinanumpa siya nito. At dinala niya ang mga makapangyarihang tao sa lupain, 14 upang ang kaharian ay maging mababa at hindi na nito maibangon ang sarili. Sa pamamagitan ng pagtupad sa kaniyang kasunduan ang lupain ay makaliligtas. 15 Ngunit ang hari ng Jerusalem ay naghimagsik laban sa kaniya sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga kinatawan sa Egipto upang kumuha ng mga kabayo at ng hukbo. Siya ba ay magtatagumpay? Makatatakas ba ang taong gumagawa ng mga bagay na ito? Kung lalabagin niya ang kasunduan, makatatakas ba siya? 16 Habang ako ay nabubuhay! — ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh— siya ay tiyak na mamamatay sa lupain ng hari na gumawa sa kaniya bilang hari, ang hari na siyang gumawa ng panunumpang hinamak niya at sa kasunduan na hindi niya sinunod. Siya ay mamamatay sa gitna ng Babilonia! 17 At ang Paraon, kasama ang kaniyang malakas na hukbo at ang pagtitipon ng maraming kalalakihan para sa digmaan ay hindi siya kayang protektahan sa labanan, kapag ang hukbo ng Babilonia ay gagawa ng tambak ng lupa at mga pader upang sirain ang maraming buhay. 18 Sapagkat hinamak ng hari ang kaniyang panunumpa sa pamamagitan ng hindi pagtupad sa kasunduan. Tingnan mo, iniabot niya ang kaniyang kamay upang mangako, subalit ginawa niya ang lahat ng mga bagay na ito. Hindi siya makatatakas. 19 Kung gayon—ito ang sinabi ng Panginoong Yahweh—habang Ako ay nabubuhay, hindi ba ang aking panunumpa na kaniyang hinamak at hindi sinunod at kasunduan na kaniyang hindi tinupad na inyong winasak? Kaya dadalhin ko ang kaparusahan niya sa kaniyang ulo! 20 Ilalatag ko ang aking lambat sa kaniya at mahuhuli siya sa aking lambat. Pagkatapos ay dadalhin ko siya sa Babilonia at hahatulan ko siya doon dahil ang pagtataksil na ginawa niya nang ipagkanulo niya ako! 21 At lahat ng mga bihag sa kaniyang mga hukbo ay babagsak sa pamamagitan ng espada, at ang mga matitira ay kakalat sa lahat ng dako. At malalaman ninyo na ako si Yahweh; Ipinahayag ko na ito ay mangyayari!' 22 Sinasabi ito ng Panginoong Yahweh, 'Kaya ako mismo ang magtatanggal ng pinakamataas na bahagi ng puno ng sedar, at itatanim ko ito nang malayo ang mga malambot na sanga nito. Babaliin ko ito, at ako mismo ang magtatanim nito sa mataas na bundok! 23 Itatanim ko ito sa mga bundok ng Israel kaya ito ay lalago magkakaroon ng mga sanga at mamumunga, at magiging kahanga-hangang sedar kaya mamumuhay sa ilalim nito ang mga ibon. Sila ay mamumugad sa lilim ng mga sanga nito. 24 Pagkatapos lahat ng puno sa bukid ay malalaman na ako si Yahweh. Ibinababa ko ang mga matatayog na puno; Itinataas ko ang mga mababang puno! tinutuyo ko ang punong nadiligan Pinapayabong ko ang tuyong puno! Ako si Yahweh; ipinahayag ko na mangyayari ito at nagawa ko na ito!"'
Chapter 18
1 Ang salita ni Yahweh ay muling dumating sa akin at sinabi, 2 "Ano ang ibig mong sabihin, ikaw na gumamit ng kawikaang ito tungkol sa lupain ng Israel at nagsasabi, 'Ang mga ama na kumain ng mga maaasim na ubas, at ang ngipin ng mga anak ay nangilo?' 3 Habang Ako ay nabubuhay—ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh—tiyak na hindi na magkakaroon pa ng anumang okasyon upang gamitin ninyo ang kawikaang ito sa Israel. 4 Tingnan mo! Ang bawat buhay ay sa akin! At gayon din ang buhay ng ama at ang buhay ng anak sila ay sa akin! Ang taong nagkakasala ay mamamatay! 5 Sapagkat ang tao, kung siya ay matuwid at taglay ang katarungan at katuwiran— 6 kung hindi siya kumain sa mga dambana sa bundok, at hindi itinaas ang kaniyang mga mata sa mga diyus-diyosan ng sambahayan ng Israel— kung hindi niya dinungisan ang asawa ng kaniyang kapitbahay, o ni hindi lumapit sa isang babae sa panahong siya ay may regla— 7 kung wala siyang inaping sinuman sa halip ay nagsauli ng sangla sa umutang—kung hindi niya kinuha ang ninakaw, ngunit sa halip ay ibinibigay niya ang kaniyang pagkain sa mga nagugutom at tinatakpan ng mga damit ang hubad; 8 kung hindi siya nagpapatong ng anumang tubo sa pagpaputang, o kumuha ng labis na kita— kung isinasagawa niya ang katarungan at pinatitibay ang katapatan sa pagitan ng mga tao— 9 kung lumalakad siya sa aking mga kautusan at sinusunod ang aking mga alituntunin upang kumilos nang tapat—ang taong ito ay matuwid; siya ay mabubuhay! —ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh. 10 Subalit kung may anak siyang marahas na nagpapadanak ng dugo at ginagawa alinman sa mga bagay na ito— 11 kahit na hindi ginagawa ng kaniyang ama ang alinman sa mga bagay na ito— subalit kung ang kaniyang anak na lalaki ay kumain sa mga dambana sa bundok at sipingan ang asawa ng kapitbahay— 12 kung inaapi niya ang mahirap at nangangailangan, kung sumasamsam siya at nagnanakaw at hindi ibinabalik ang sangla, kung itinataas niya ang kaniyang mga mata sa mga diyos-diyusan o gumagawa ng mga kasuklam-suklam na gawain; 13 at kung nagpapautang siya na nagpapabayad ng tubo at kumukuha ng hindi makatarungang kita, dapat ba siyang mabuhay? Siya ay hindi mabubuhay! Ginawa niya ang lahat ng kasuklam-suklam na ito. Siya ay tiyak na mamamatay; ang kaniyang dugo ay nasa kaniya. 14 Subalit tingnan mo! Kung magkaanak siya ng isang lalaking nakikita ang lahat ng kasalanang ginawa ng kaniyang ama, at kung siya mismo ay may takot sa Diyos at hindi ginagawa ang mga ganoong bagay— 15 at kung hindi siya kumain sa mga dambana sa bundok o itinaas ang kaniyang mga mata sa mga diyus-diyosan ng sambahayan ng Israel—kung hindi niya sumiping sa asawa ng kaniyang kapitbahay; 16 Kung hindi niya inaapi ang sinuman, sinasamsam ang sangla, o kinukuha ang mga nakaw na bagay, ngunit sa halip ibinibigay ang kaniyang pagkain sa nagugutom at tinatakpan ng mga damit ang hubad— 17 kung iniurong niya ang kaniyang kamay sa paghatol sa mahirap at hindi kumukuha ng tubo o hindi makatarungang kita; kung sinusunod niya ang aking mga alituntunin at lumalakad ayon sa aking mga kautusan, hindi siya mamamatay para sa kasalanan ng kaniyang ama. Siya ay tiyak na mabubuhay! 18 Ang kaniyang ama, sapagkat inapi niya ang iba sa pamamagitan ng pagkuha nang sapilitan at ninakawan ang kaniyang kapatid na lalaki, at ginawa ang hindi mabuti sa mga tao—tingnan mo, siya ay mamamatay sa kaniyang malaking kasalanan. 19 Subalit sinasabi mo, 'Bakit hindi magawang akuin ng anak ang katampalasan ng kaniyang ama?' Dahil isinasagawa ng lalaking anak ang katarungan at katuwiran; at iniingatan ang aking mga utos at ginagawa niya ang mga ito. Tiyak na mabubuhay siya! 20 Ang siyang nagkasala, siya ang mamamatay. Hindi dadalhin ng anak ang kasalanan ng kaniyang ama, at hindi dadalhin ng ama ang kasalanan ng kaniyang anak. Ang katuwiran ng taong kumikilos nang makatarungan ay sa kaniyang sarili, at ang kasamaan ng masamang tao ay sa kaniyang sarili. 21 Ngunit kung ang taong makasalanan ay tatalikod sa lahat ng kaniyang mga ginawang kasalanan, at iingatan ang aking mga kautusan at isasagawa ang katarungan at katuwiran, tiyak na mabubuhay siya at hindi mamamatay. 22 Lahat ng pagsuway na kaniyang ginawa ay hindi na aalalahanin laban sa kanila. Siya ay mabubuhay sa pamamagitan ng katuwiran na kaniyang ginagawa na patuloy na ginagawa. 23 Labis ko bang ikinagagalak ang pagkamatay ng makasalanan—ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh—at hindi ang kaniyang pagtalikod mula sa kaniyang kaparaanan upang siya ay mabuhay? 24 Subalit kung ang matuwid na tao ay tumalikod sa kaniyang pagkamakatuwiran at isinagawa ang mga kasuklam-suklam tulad ng lahat ng kasuklam-suklam na ginagawa ng masamang tao, mabubuhay ba siya? Lahat ng matuwid na kaniyang ginawa ay hindi aalalahanin kapag ipinagkanulo niya ako sa kaniyang kataksilan. Kaya siya ay mamamatay sa mga kasalanang kaniyang ginawa. 25 Subalit sinabi mo, 'Ang pamamaraan ng Panginoon ay hindi makatarungan! Makinig ka sambahayan ng Israel! Ang pamamaraan ko ba ay hindi makatarungan? 26 Kung ang matuwid na tao ay tumalikod sa kaniyang pagkamakatuwiran, at gumawa ng kasalanan at mamatay dahil sa mga ito, mamamatay siya sa kasalanang ginawa niya. 27 Ngunit kapag ang masamang tao ay tumalikod sa kasamaang ginawa niya at gumawa ng katarungan at katuwiran, kung gayon pinangangalagaan niya ang kaniyang buhay! 28 Sapagkat nakita niya at tumalikod mula sa lahat ng mga kasalanang ginawa niya. Siya ay mabubuhay; hindi siya mamamatay! 29 Sinabi ng sambahayang Israel, 'Ang kaparaanan ng Panginoon ay hindi makatarungan! Paanong ang aking kaparaanan ay hindi makatarungan, sambahayan ng Israel? At paanong ang iyong pamamaraan ay makatarungan? 30 Kaya hahatulan ko ang bawat isa sa inyo ayon sa inyong kaparaanan, sambahayan ng Israel! —ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh. Magsisi kayo at talikuran ninyo ang lahat ng inyong mga pagsalangsang upang ang mga ito ay hindi maging kasalanan na katitisuran laban sa inyo. 31 Itapon palayo mula sa inyong sarili ang lahat ng mga pagsuway na inyong ginawa; magkaroon kayo ng bagong puso at bagong espiritu para sa inyong sarili. Sapagkat bakit kayo mamamatay, sambahayan ng Israel? 32 Sapagkat hindi ako nagagalak sa pagkamatay ng isang namatay—ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh- kaya magsisi at mabuhay!"
Chapter 19
1 "Kaya ikaw! Maghayag ka ng isang panaghoy laban sa mga pinuno ng Israel 2 at sabihin mo, 'Sino ang iyong ina? Isang babaing leon, namuhay siya kasama ng lalaking anak ng leon; sa kalagitnaan ng mga batang leon, inalagaan niya ang kaniyang mga anak. 3 At pinalaki niya ang isa sa kaniyang mga anak upang maging batang leon na natutong lumapa ng kaniyang mga biktima. Nilamon niya ang mga tao. 4 Pagkatapos ay narinig ng mga bansa ang tungkol sa kaniya. Nahuli siya sa kanilang patibong, at dinala siya sa lupain ng Egipto gamit ang mga kawit. 5 At nakita niya na kahit naghintay siya para sa kaniyang pagbabalik, wala na ngayon ang kaniyang pag-asa, kaya kumuha siya ng isa pa sa kaniyang mga anak at pinalaki niya ito upang maging isang batang leon. 6 Nagpagala-gala ang batang leon na ito sa kalagitnaan ng mga leon. Siya ay isang batang leon at natutong lumapa ng kaniyang mga biktima; nilamon niya ang mga tao. 7 At hinalay niya ang kanilang mga balo at winasak ang kanilang mga lungsod. Ang lupain at ang kabuuan nito ay iniwan dahil sa tunog ng kaniyang atungal! 8 Ngunit dumating laban sa kaniya ang mga bansang mula sa mga nakapalibot na probinsiya; inilatag nila ang kanilang lambat sa ibabaw niya. Nahuli siya sa kanilang patibong. 9 Inilagay siya sa kulungan na may mga kawit at dinala siya sa hari ng Babilonia. Dinala nila siya sa bundok na tanggulan upang hindi na muling marinig ang kaniyang tinig sa mga kabundukan ng Israel. 10 Ang iyong ina ay tulad ng isang puno ng ubas na nakatanim sa iyong dugo sa tabi ng tubig. Mabunga siya at puno ng mga sanga dahil sa kasaganaan ng tubig. 11 Mayroon siyang mga matitibay na sanga para sa mga setro ng mga pinuno at hinangaan ang kaniyang taas sa gitna ng mga sanga ng kasukalan. 12 Ngunit binunot ang puno ng ubas dahil sa matinding galit at itinapon sa lupa, at tinuyo ng hanging mula sa silangan ang kaniyang bunga. Nabali at nalanta ang kaniyang mga matitibay na sanga; tinupok sila ng apoy. 13 Kaya ngayon, nakatanim siya sa ilang, sa isang tuyo at uhaw na lupain. 14 Sapagkat lumabas ang apoy mula sa kaniyang mga malalaking sanga at tinupok ang mga bunga nito. Walang matibay na sanga sa kaniya, walang setro upang mamuno.' Ito ay isang panaghoy at ito ay aawitin bilang isang panaghoy."
Chapter 20
1 At nangyari nang ikapitong taon, sa ikasampung araw ng ikalimang buwan, dumating ang mga nakatatanda ng Israel upang sumangguni kay Yahweh at umupo sila sa aking harapan. 2 Pagkatapos, dumating sa akin ang salita ni Yahweh at sinabi, 3 "Anak ng tao, ihayag mo sa mga nakatatanda ng Israel at sabihin mo sa kanila, 'Sinasabi ito ng Panginoong Yahweh: Pumarito ba kayo upang sumangguni sa akin? Habang ako ay nabubuhay, hindi ninyo ako mapagsasanggunian! —ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh.' 4 Hahatulan mo ba sila? Hahatol ka ba, anak ng tao? Ipaalam mo sa kanila ang kasuklam-suklam na ginawa ng kanilang mga ama! 5 Sabihin mo sa kanila, 'Sinasabi ito ng Panginoong Yahweh: Sa araw na pinili ko ang Israel at itinaas ko ang aking kamay upang manumpa ng isang pangako sa mga kaapu-apuhan ng sambahayan ni Jacob, at ipinakilala ko ang aking sarili sa kanila sa lupain ng Egipto, nang itinaas ko ang aking kamay upang manumpa ng isang pangako sa kanila. Sinabi ko, "Ako si Yahweh na inyong Diyos"— 6 sa araw na iyon itinaas ko ang aking kamay upang manumpa ng isang pangako sa kanila na ilalabas ko sila sa lupain ng Egipto papunta sa isang lupain na maingat kong pinili para sa kanila. Ito ay dinadaluyan ng gatas at pulot-pukyutan; ito ay pinakamagandang palamuti sa lahat ng mga lupain! 7 Sinabi ko sa kanila, "Hayaang itapon ng bawat tao ang mga kasuklam-suklam na bagay mula sa kaniyang mga mata at ang mga diyus-diyosan ng Egipto. Huwag ninyong gawing marumi ang inyong mga sarili; ako si Yahweh na inyong Diyos." 8 Ngunit naghimagsik sila laban sa akin at ayaw nilang makinig sa akin. Hindi itinapon ng bawat tao ang mga kasuklam-suklam na bagay mula sa kaniyang mga mata, ni hindi nila tinalikuran ang mga diyus-diyosan ng Egipto, kaya ipinasya kong ibuhos sa kanila ang aking matinding galit upang mapawi ang aking poot sa kanila sa kalagitnaan ng lupain ng Egipto. 9 Kumilos ako alang-alang sa aking pangalan upang hindi ito malapastangan sa mata ng mga bansa kung saan sila nananatili. Ipinakilala ko ang aking sarili sa kanila, sa kanilang mga mata, sa pamamagitan ng paglalabas ko sa kanila mula sa lupain ng Egipto. 10 Kaya pinaalis ko sila sa lupain ng Egipto at dinala sila sa ilang. 11 Pagkatapos ay ibinigay ko sa kanila ang aking mga kautusan at ipinaalam ko sa kanila ang aking mga alituntunin, na kung susundin ng tao ang mga ito ay mabubuhay siya. 12 Ibinigay ko rin sa kanila ang aking mga Araw ng Pamamahinga bilang palatandaan sa akin at sa kanila upang malaman nila na ako si Yahweh, na siyang naglaan sa kanila sa aking sarili. 13 Ngunit naghimagsik ang sambahayan ng Israel laban sa akin sa ilang. Hindi sila lumakad sa aking mga kautusan; sa halip, tinanggihan nila ang aking mga alituntunin, na kung susundin ng tao ang mga ito ay mabubuhay siya. Labis nilang nilapastangan ang aking mga Araw ng Pamamahinga, kaya sinabi kong, ibubuhos ko sa kanila sa ilang ang aking matinding galit upang tapusin sila. 14 Ngunit kumilos ako alang-alang sa aking pangalan upang hindi ito malapastangan sa mata ng mga bansa, na nakakitang inilabas ko sila sa Egipto. 15 Kaya itinaas ko ang aking kamay upang manumpa ng isang pangako sa kanila sa ilang na hindi ko sila dadalhin sa lupaing ibibigay ko sa kanila, ang lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot-pukyutan, na siyang pinakamagandang palamuti sa lahat ng mga lupain. 16 Isinumpa ko ito dahil tinanggihan nila ang aking mga alituntunin at hindi sila lumakad sa aking mga kautusan, at nilapastangan nila ang aking mga Araw ng Pamamahinga, sapagkat lumakad ang kanilang puso batay sa kanilang mga diyus-diyosan. 17 Ngunit nahabag ang aking mata sa kanila dahil sa kanilang pagkawasak, kaya hindi ko sila pinuksa sa ilang. 18 Sinabi ko sa kanilang mga anak na lalaki at babae sa ilang, "Huwag kayong lumakad ayon sa mga kautusan ng inyong mga magulang; huwag ninyong sundin ang kanilang mga alituntunin o lapastanganin ang inyong sarili sa mga diyus-diyosan. 19 Ako si Yahweh na inyong Diyos! Lumakad kayo sa aking mga kautusan; ingatan ninyo ang aking mga alituntunin at sundin ang mga ito! 20 Panatilihin ninyong banal ang aking mga Araw ng Pamamahinga upang ang mga ito ay maging palatandaan sa akin at sa inyo, upang malaman ninyo na ako si Yahweh na inyong Diyos." 21 Ngunit naghimagsik laban sa akin ang kanilang mga anak na lalaki at babae. Hindi sila lumakad sa aking mga kautusan o sinunod ang aking mga alituntunin, na kung susundin ng tao ang mga ito ay mabubuhay siya. Nilapastangan nila ang aking Araw ng Pamamahinga, kaya ipinasya kong ibuhos sa kanila ang aking matinding galit upang mapawi ang aking poot laban sa kanila sa ilang. 22 Ngunit binawi ko ang aking kamay at kumilos ako alang-alang sa aking pangalan, upang hindi ito malapastangan sa mata ng mga bansa na siyang nakakita na inilabas ko ang mga Israelita. 23 Itinaas ko rin ang aking kamay sa kanila sa ilang, upang manumpa na ikakalat ko sila sa mga bansa at ikakalat ko sila sa mga lupain. 24 Ipinasya kong gawin ito sapagkat hindi nila sinunod ang aking mga alituntunin, at dahil tinanggihan nila ang aking mga kautusan at nilapastangan ang aking mga Araw ng Pamamahinga. Nasasabik ang kanilang mga mata sa diyus-diyosan ng kanilang mga ama. 25 At binigyan ko rin sila ng mga hindi mabubuting utos, at mga alituntunin na hindi nila ikabubuhay. 26 Ginawa ko silang marumi sa pamamagitan ng kanilang mga kaloob, nang ipinadaan nila sa apoy ang bawat panganay mula sa sinapupunan. Ginawa ko ito upang sindakin sila upang malaman nila na ako si Yahweh!' 27 Kung gayon, anak ng tao, ipahayag mo ito sa sambahayan ng Israel; sabihin mo sa kanila, 'Ito ang sinabi ng Panginoong Yahweh: Nilapastangan ako ng inyong mga ama sa pamamagitan ng pagtataksil laban sa akin. Ginawa nila ito sa ganitong paraan: 28 nang dinala ko sila sa lupaing ipinangako kong ibibigay sa kanila, at nang nakita nila ang mga matatayog na burol at mga mayayabong na puno, at inialay nila ang kanilang mga handog doon at ginalit ako sa pamamagitan ng kanilang mga handog doon. Nagsunog din sila roon ng mabangong insenso at nagbuhos ng mga inuming handog. 29 At sinabi ko sa kanila, "Ano itong matayog na lugar na inyong pinagdadalhan ng inyong mga handog?" Kaya ang pangalan ay tinawag na Bama hanggang sa araw na ito.' 30 Kaya sabihin mo sa sambahayan ng Israel, 'Ito ang sinabi ng Panginoong Yahweh: Bakit ninyo ginagawang marumi ang inyong mga sarili sa mga pamamaraan ng inyong mga ama? At bakit kayo kumikilos na tulad ng mga babaeng bayaran, naghahanap ng mga kasuklam-suklam na bagay? 31 Sapagkat kapag iniaalay ninyo ang inyong mga kaloob at ipinapadaan ninyo sa apoy ang inyong mga anak na lalaki, ginagawa ninyong marumi ang inyong mga sarili dahil sa lahat ng inyong mga diyus-diyosan hanggang sa araw na ito. Kaya dapat ba kayong sumangguni sa akin, sambahayan ng Israel? Habang ako ay nabubuhay—ito ang pahayag ni Yahweh—hindi kayo makasasangguni sa akin! 32 Ang kaisipang nabubuo sa inyong mga isipan ay magkakatotoo. Sinasabi ninyo, "Tularan natin ang ibang bansa, tulad ng mga angkan sa ibang mga lupaing sumasamba sa kahoy at bato!" 33 Habang ako ay nabubuhay—ito ang pahayag ni Yahweh—tiyak na pamumunuan ko kayo nang may makapangyarihang kamay, nakataas na braso, at matinding galit na maibubuhos sa inyo! 34 Ilalabas ko kayo mula sa ibang mga lahi at titipunin ko kayo mula sa mga bansa kung saan kayo nakakalat. Gagawin ko ito nang may makapangyarihang kamay at may buhos ng matinding galit. 35 Pagkatapos ay dadalhin ko kayo sa ilang ng ibang mga lahi, at doon ay hahatulan ko kayo nang harap-harapan. 36 Katulad ng paghatol ko sa inyong mga ama sa ilang sa lupain ng Egipto, gayon ko rin kayo hahatulan! —ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh. 37 Padadaanin ko kayo sa ilalim ng aking pamalo at dadalhin ko kayo sa bigkis ng tipan; 38 Aalisin ko mula sa inyo ang mga mapanghimagsik at ang mga sumusuway laban sa akin. Paaalisin ko sila mula sa lupain kung saan sila naninirahan bilang mga dayuhan, ngunit hindi sila papasok sa lupain ng Israel. Kaya malalaman ninyo na ako si Yahweh! 39 Kaya sa iyo, sambahayan ng Israel, ito ang sinabi ng Panginoong Yahweh: Ang bawat isa sa inyo ay dapat pumunta sa kaniyang sariling diyus-diyosan. Sambahin ninyo sila kung ayaw ninyong makinig sa akin, ngunit hindi na ninyo dapat lapastanganin ang aking banal na pangalan sa pamamagitan ng inyong mga kaloob at mga diyus-diyosan. 40 Sapagkat sa aking banal na bundok, sa tuktok ng bundok ng Israel—ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh—pupurihin ako ng lahat ng sambahayan ng Israel doon sa lupain. Malulugod akong hingin ang inyong mga handog doon, at gayon din ang mga unang bunga ng inyong kaloob kasama ng lahat ng inyong banal na bagay. 41 Tatanggapin ko kayo na parang mabangong insenso kapag inilabas ko kayo mula sa ibang mga lahi at titipunin ko kayo palabas sa mga bansa kung saan kayo ikinalat. Ipapakita ko sa inyo ang aking sarili na banal upang makita ng mga bansa. 42 Pagkatapos, kapag dinala ko kayo sa lupain ng Israel, sa lupain na pinagtaasan ko ng aking kamay upang ibigay sa inyong mga ama, malalaman ninyo na ako si Yahweh. 43 At maaalala ninyo roon ang inyong mga masasamang kaparaanan at ang lahat ng inyong gawaing nagparumi sa inyong mga sarili, at kamumuhian ninyo ang inyong sarili sa sarili ninyong paningin dahil sa lahat ng masamang gawain na inyong ginawa. 44 Kaya malalaman ninyo na ako si Yahweh kapag ginawa ko ito sa inyo alang-alang sa aking pangalan, hindi dahil sa inyong mga masamang kaparaanan o sa inyong mga masasamang gawa, sambahayan ng Israel! —ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh.'" 45 Pagkatapos, dumating sa akin ang salita ni Yahweh at sinabi, 46 "Anak ng tao, humarap ka sa mga lupain sa timog at magsalita ka laban sa timog, maghayag ka ng propesiya laban sa kagubatan ng Negev. 47 Sabihin mo sa kagubatan ng Negev, 'Pakinggan mo ang pahayag ni Yahweh! Ito ang sinabi ng Panginoong Yahweh: Tingnan mo, magpapasiklab ako ng apoy sa iyo. Lalamunin nito ang bawat sariwang puno at bawat tuyong puno sa iyo. Hindi maaapula ang naglalagablab na apoy; ang bawat mukha mula sa timog at hilaga ay masusunog. 48 Pagkatapos, makikita ng lahat ng laman na ako si Yahweh kapag sinindihan ko ang apoy, at ito ay hindi maaapula.'" 49 At sinabi ko, "Ah! Panginoong Yahweh, sinasabi nila tungkol sa akin, 'Hindi ba isa lamang siyang tagasalaysay ng mga talinghaga?'"
Chapter 21
1 At ang salita ni Yahweh ay dumating sa akin at sinabi, 2 "Anak ng tao, iharap mo ang iyong mukha sa Jerusalem at magsalita ka laban sa mga santuwaryo; magpropesiya ka laban sa lupain ng Israel. 3 Sabihin mo sa lupain ng Israel, 'Ito ang sinasabi ni Yahweh: Masdan mo! Ako ay laban sa iyo! Bubunutin ko ang aking espada mula sa kaluban at papatayin kong pareho ang matuwid at ang masasamang tao mula sa iyo! 4 Upang mapatay kong pareho ang matuwid at ang masasama na mula iyo, lalabas mula sa kaluban ang aking espada laban sa lahat ng laman mula sa timog hanggang sa hilaga. 5 At malalalaman ng lahat ng laman na Ako, si Yahweh, ang naglabas ng aking espada mula sa kaluban. Hindi na ito magpapapigil!' 6 At ikaw, anak ng tao, maghinagpis ka gaya ng pagkabali ng iyong balakang! Maghinagpis ka na may kapaitan sa harapan ng kanilang mga paningin! 7 At mangyayari magtatanong sila sa iyo, 'Sa anong dahilan ka naghihinagpis?' At sabihin mo, 'Dahil sa balitang dumarating, sapagkat bawat puso ay manlulumo at bawat kamay ay manghihina! Bawat espiritu ay panghihinaan ng loob, at bawat tuhod ay mangangatog tulad ng tubig. Masdan mo! Darating at magiging gaya nito! —ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh."' 8 At dumating ang salita ni Yahweh sa akin at sinabi, 9 "Anak ng tao, magpropesiya ka at sabihin mo, 'Ganito ang sinasabi ng Panginoon: Sabihin mo: Isang espada! Isang espada! Patatalimin ito at pakikintabin! 10 Patatalimin ito para magamit sa malakihang pagpatay! Pakikintabin ito para maging gaya ng kidlat! Dapat ba tayong magsaya sa setro ng aking anak? Ang darating na espada ay namumuhi sa bawat ganyang tungkod! 11 Kaya ipapahawak ang espada para pakintabin at pagkatapos ay dadamputin ng kamay! Ang espada ay pinatalim! At ito ay napakintab upang ibigay sa kamay ng isang pumapatay!' 12 Tumawag ka ng tulong at managhoy, anak ng tao! Sapagkat ang espada ay dumating na sa aking mga tao! Ito ay nasa lahat ng mga pinuno ng Israel na inihagis sa espada! Sila ang aking mga tao, kaya paluin mo ang iyong hita sa kalungkutan! — 13 Sapagkat may isang pagsubok, ngunit paano kung ang setro ay hindi magtatagal? —ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh. 14 Ngayon ikaw, anak ng tao, magpropesiya ka at pagsuntukin mo ang iyong dalawang kamay, sapagkat ang espada ay lulusob kahit tatlong beses pa! Isang espada para sa mga papatayin! Ito ang espada na papatay sa marami, tatagos sa kanila saanmang dako! 15 Upang tunawin ang kanilang puso at paramihin ang kanilang mga kinatitisuran, inihanda ko ang pagpatay ng espada sa kanilang mga tarangkahan! Sa Aba! Ito ay ginawa tulad ng kidlat, pinakawalan upang kumatay! 16 Ikaw, espada! Itaga mo sa kanan! itaga mo sa kaliwa! Pumunta ka kung saan naisin ng iyong matalas na talim. 17 Sapagkat isusuntok ko rin ang aking dalawang kamay, at pagkatapos ay hihinahon na ang aking galit! Ako, si Yahweh, ang nagpahayag nito!" 18 Ang salita ni Yahweh ay dumating muli sa akin at sinabi, 19 Ngayon ikaw, anak ng tao, magtalaga ka ng dalawang daanan para sa espada ng hari ng Babilonia na darating. Ang dalawang daanan ay magsisimula sa parehong lupain, at isang posteng pananda ang magtuturo ng papunta sa isang lungsod. 20 Tatakan mo ang isang daanan para sa hukbo ng Babilonia na pupunta sa Raba, sa lungsod ng mga Amonita. Tatakan mo ang isa pa upang ituro ang hukbo patungo sa Juda at sa lungsod ng Jerusalem, na pinatibay. 21 Sapagkat ang hari ng Babilonia ay hihinto sa krus na daan, sa sangang daan, sa pagnanais na makakuha ng isang propesiyang mensahe mula sa manghuhula. Kakalugin niya ang ilang mga palaso at hihingi ng gabay mula sa ilang mga diyus-diyosan. Susuriin niya ang isang atay! 22 Sa kaniyang kanang kamay ay mayroong isang hula tungkol sa Jerusalem, para maihanda niya ang isang malaking trosong panggiba laban dito! Para ibuka niya ang kaniyang bibig upang iutos ang pagsisimula ng pagpatay! Para isigaw niya ang isang labanan! Para ihanda nya ang mga malaking trosong panggiba sa tarangkahan! Para ibuhos niya ang tambak na lupa upang itayo sa kinubkob na mga pader! 23 Ito ay parang walang kabuluhang panghuhula sa paningin ng mga nasa Jerusalem, silang mga nanumpa ng isang panata sa mga taga-Babilonia! Ngunit aakusahan sila ng hari ng paglabag sa kanilang kasunduan upang makubkub sila! 24 Kaya sinasabi ito ng Panginoong Yahweh: Dahil dinala ninyo ang inyong kasalanan sa aking alaala, ang inyong mga pagsuway ay maihahayag! Ang inyong mga kasalanan ay makikita sa inyong mga kilos! Sa kadahilanang ito ay maipaalala ninyo sa bawat isa na kayo ay mabibihag sa kamay ng inyong mga kaaway! 25 At ikaw, walang galang at masamang pinuno ng Israel kung saan ang mga araw ng kaparusahan ay dumating na, ang mga araw ng paggawa ng kasalanan ay natapos na, 26 Sinasabi ito ng Panginoong Yahweh: Hubarin mo ang turbante at tanggalin mo ang korona! Hindi na magiging gaya ng dati ang mga bagay! Itinaas ang nasa mababa at ibinaba ang nataas! 27 wawasakin ko ang lahat ng mga bagay! Isang pagkawasak! Isang pagkawasak! Ang korona ay mawawala na, hanggang hindi dumarating ang siyang nararapat para dito. Saka ko ito ibibigay sa kaniya. 28 Kaya ikaw, anak ng tao, magpropesiya at sabihin, 'Ang Panginoong Yahweh ay nagsasabi sa mga Ammonita patungkol sa darating nilang kahihiyan: Isang espada, isang espada ay hinugot! Ito ay pinatalim para sa pagpatay upang lumamon, kaya ito ay magiging gaya ng kidlat! 29 Habang ang mga propeta ay nakakakita ng mga walang saysay na pangitain para sa iyo, habang gumagawa sila ng mga rituwal upang makabuo ng mga kasinungalingan para saiyo, itong espada ay nakaabang na sa mga leeg ng masasama na siyang papatayin, ang mga araw ng kanilang kaparusahan ay dumating na at ang oras ng kanilang kalikuan ay magtatapos na. 30 Ibalik mo ang espada sa kaluban nito. Sa lugar ng iyong pagkalikha, sa lugar ng iyong pinagmulan, hahatulan kita! 31 Ibubuhos ko ang aking pagkagalit sa iyo! Hihipan ko ang apoy ng aking galit laban sa iyo at ilalagay kita sa kamay ng mga malulupit na tao, mga bihasa sa pagwasak! 32 Ikaw ay magiging panggatong sa apoy! Ang iyong dugo ay mapapagitna sa lupain. Hindi ka na maaalala, sapagkat ako si Yahweh ang nagpahayag nito!"'
Chapter 22
1 At dumating ang salita ni Yahweh sa akin at sinabi. 2 Ngayon ikaw, anak ng tao, hahatol ka ba? Hahatulan mo ba ang lungsod ng dugo? Ipaalam mo sa kaniya ang lahat ng kaniyang kasuklam-suklam na gawain. 3 Dapat mong sabihing, 'Sinasabi ito ng Panginoong Yahweh: Ito ang lungsod na nagpadanak ng dugo sa kaniyang kalagitnaan sa gayon ang kaniyang panahon ay dumating na; isang lungsod na gumagawa ng mga diyus-diyosan upang gawing marumi ang kaniyang sarili! 4 Ikaw ay nagkasala sa dugo na iyong pinadanak, at naging marumi dahil sa mga diyus-diyosan na iyong ginawa! Sapagkat pinalalapit mo ang iyong mga araw at nalalapit na ang iyong mga huling taon. Kaya gagawin kitang kahihiyan sa mga bansa at isang kakutyaan sa paningin ng bawat lupain. 5 Ang mga malalapit at sila na malalayo ay parehong manlilibak sa iyo, ikaw na maruming lungsod, kasama ang karangalan na kilala sa bawat lugar bilang puno ng kaguluhan!' 6 Masdan! ang mga pinuno ng Israel, bawat isa sa kaniyang kapangyarihan ay pumunta sa iyo upang magpadanak ng dugo! 7 Hindi na nila iginalang ang mga ama at mga ina na nasa iyo, at inapi nila ang mga dayuhan na nasa kalagitnaan ninyo. Inabuso nila ang mga ulila at mga balo na nasa iyo. 8 Kinasuklaman ninyo ang aking mga banal na bagay at nilapastangan ninyo ang aking mga Araw ng Pamamahinga! 9 Pumunta ang mga kalalakihang maninirang puri sa inyo upang magpadanak ng dugo, at sila ay kakain sa mga bundok. Gagawa sila ng kasamaan sa iyong kalagitnaan! 10 Ang kahubaran ng isang ama ay inilantad sa iyo. Inabuso nila ang maruming babae sa kalagitnaan ng kaniyang pagreregla. 11 Mga kalalakihang gumagawa ng mga kasuklam -suklam sa asawa ng kanilang kapwa, at mga kalalakihang gumawa ng karumihang kahiya-hiya sa kani-kanilang mga manugang na babae, mga kalalakihang nang-abuso ng kanilang mga kapatid na babae, mga ama na nang-abuso sa kanilang mga anak na babae—ang lahat ng ito ay nasa iyo. 12 Kumukuha ang mga kalalakihang ito ang mga suhol sa iyo upang magpadanak ng dugo. Kinuha ninyo ang tubo at labis na kinita, sinira mo ang iyong kapwa sa pamamagitan ng panggigipit, at kinalimutan mo ako—ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh. 13 Kaya tumingin ka! Hinampas ko ng aking kamay ang kumikita sa pandaraya, at ang pagdanak ng dugo sa gitna mo. 14 Matatag ba ang iyong puso, malakas ba ang iyong mga kamay sa panahon na ikaw ay aking haharapin? Ako, si Yahweh, na nagpapahayag nito, at gagawin ko ito. 15 Kaya ikakalat kita sa mga bansa at paghiwa-hiwalayin kita sa mga lupain. Sa paraang ito, papawiin ko ang karumihan mo. 16 Kaya magiging marumi ka sa paningin ng mga tao. Sa ganoon malalaman mo na ako si Yahweh!" 17 Sumunod nito dumating muli ang salita ni Yahweh sa akin at sinabi, 18 "Anak ng tao, ang sambahayan ng Israel ay kalawang na sa akin. Lahat sila ay mga tira-tirang tanso at lata, bakal, at tingga sa iyong kalagitnaan. Sila ay magiging gaya ng kalawang ng tanso sa iyong pugon. 19 Kaya sinasabi ito ng Panginoong Yahweh, 'Dahil lahat kayo ay naging gaya ng latak, kaya masdan! Titipunin ko kayo sa gitna ng Jerusalem. 20 Gaya ng naipong pilak at tanso, bakal, tingga at lata na nailagay sa gitna ng pugon ay dapat mahipan ang apoy nito, tutunawin ko kayo. Kaya iipunin ko kayo sa aking galit at poot. Ilalagay ko kayo doon at bubugahan ng apoy ito upang matunaw; Kaya iipunin kayo sa aking galit at poot, at ilalagay ko kayo doon at ibubuhos. 21 Kaya iipunin ko kayo at bubugahan ng apoy ng aking poot kaya mabubuhos kayo sa kaniyang kalagitnaan. 22 Gaya ng natutunaw na pilak sa gitna ng pugon, matutunaw kayo sa gitna nito, at malalaman ninyo na ako, si Yahweh, ang nagbuhos ng aking galit laban sa inyo!"" 23 Dumating ang salita ni Yahweh sa akin at sinasabi, 24 "Anak ng tao, sabihin mo sa kaniya, ' Ikaw ang lupain na hindi pa nalilinis. Walang ulan sa araw ng poot! 25 Mayroong sabwatan ang kaniyang mga propeta sa kaniyang kalagitnaan, tulad ng isang umaatungal na leon na nilalapa ang biktima; inuubos nila ang buhay at kinukuha ang mahahalagang yaman! Pinaparami nila ang mga balo sa kaniyang kalagitnaan! 26 Ang kaniyang mga pari ay gumagawa ng karahasan sa aking kautusan, at nilapastangan nila ang aking mga banal na bagay. Hindi nila nalalaman ang pagkakaiba ng banal na mga bagay at sa mga bagay na kalapastangan, at hindi itinuro ang pagkakaiba ng marumi at ng malinis. Hindi nila binigyan pansin ang mga Araw ng Pamamahinga kaya hindi ako ginalang sa kanilang kalagitnaan! 27 Ang kaniyang mga prinsipe na nasa kaniya ay tulad ng mga asong lobo na niluluray ang kanilang mga biktima. Pinapadanak nila ang dugo at sinisira nila ang buhay, para kumita sa pamamagitan ng pandaraya. 28 At pinintahan pa siya ng kaniyang mga propeta gamit ang apog na pampinta; mga huwad ang kanilang mga pangitain at kasinungalingan ang kanilang mga ipinapahayag sa kanila, ang sinasabi nila " Ito ang sinabi ng Panginoong Yahweh" kahit hindi naman nagsalita si Yahwehi! 29 Ang mga tao ng lupain ay nang-aapi sa pamamagitan ng panghuhuthut at pandarambong dahil sa pagnanakaw, at inaabuso ang mahihirap at mga kapos, at inapi ang mga dayuhan nang walang katarungan. 30 Kaya naghanap ako ng isang tao mula sa kanila na magtatayo ng pader at siyang tatayo sa harapan ko sa paglabag na ito para sa lupain upang hindi ko na sirain ito, ngunit wala akong natagpuan isa man. 31 Kaya ibubuhos ko ang aking galit sa kanila! Tatapusin ko sila sa apoy ng aking galit at ilalagay sila sa paraan na kanilang sariling iniisip—ito ang Pahayag ng Panginoong Yahweh."'
Chapter 23
1 Dumating ang salita ni Yahweh sa akin at sinabing, 2 "Anak ng tao, mayroong dalawang babae, mga anak na babae na iisa ang kanilang ina. 3 Kumilos sila bilang mga nagbebenta ng aliw sa Egipto sa panahon ng kanilang kabataan. Nagbenta sila ng aliw roon. Pinisil ang kanilang mga suso at kinakarinyo roon ang kanilang mga birheng utong. 4 Ang kanilang mga pangalan ay sina Ohola—ang nakatatandang kapatid na babae—at si Oholiba—ang kaniyang nakababatang kapatid na babae. Pagkatapos naging akin sila at nanganak ng mga anak na lalake at mga anak na babae. Ito ang ibig sabihin ng kanilang mga pangalan: Samaria ang kahulugan ng Ohola, at Jerusalem ang kahulugan ng Oholiba. 5 Ngunit kumilos si Ohola bilang isang nagbebenta ng aliw kahit nang siya ay akin pa; pinagnasahan niya ang kaniyang mga mangingibig, para sa mga taga-Asiria na makapangyarihan, 6 ang gobernador na nagsusuot ng kulay ube, at para sa kaniyang mga opisyal, na malalakas at makikisig, lahat sila ay mga kalalakihan na nakasakay sa mga kabayo! 7 Kaya ibinigay niya ang kaniyang sarili bilang isang nagbebenta ng aliw sa kanila, sa lahat ng pinakamahusay na kalalakihan ng Asiria! At ginagawa niyang marumi ang kaniyang sarili kasama ng bawat isa na kaniyang pinagnasaan, kasama ng kanilang mga diyus-diyosan na kaniyang pinagnasaan. 8 Sapagkat hindi niya iniwan ang kaniyang ugaling nagbebenta ng aliw sa Egipto, nang sumiping sila sa kaniya noong siya ay bata pa, nang una nilang sinimulang karinyuhin ang kaniyang birheng suso, nang una nilang sinimulang ibuhos ang kanilang walang kahihiyang pag-uugali sa kaniya. 9 Kaya ibinigay ko siya sa kamay ng kaniyang mga mangingibig, sa kamay ng mga taga-Asiria kung kanino siya nagnanasa! 10 Hubo't hubad nila siyang hinubaran. Kinuha nila ang kaniyang mga anak na lalake at mga anak na babae, at pinatay siya sa pamamagitan ng espada, at naging kahiya-hiya siya sa ibang mga kababaihan, kaya hinatulan nila siya. 11 Nakita ito ni Oholiba na kaniyang kapatid na babae, ngunit mas higit na mapusok siyang nagnasa kumilos ng parang isang nagbebenta ng aliw nang mas higit kaysa sa kaniyang kapatid na babae! 12 Pinagnasaan niya ang mga taga-Asiria, ang mga gobernador at ang mga makapangyarihan na mga pinuno na nagdamit ng kahanga-hanga, mga lalaking nakasakay sa mga kabayo! Malalakas silang lahat, makikisig na lalake! 13 Nakita ko na ginawa niyang marumi ang kaniyang sarili. Magkapareho ito para sa dalawang magkapatid na babae. 14 Pagkatapos dinagdagan pa niya ang pagbebenta niya ng aliw! Nakita niya ang mga kalalakihang nakaukit sa mga pader, anyo ng mga Caldeo na iginuhit ng kulay pula, 15 nakasuot ng mga sinturon sa kanilang baywang, na may kasamang humahampay na turbante sa kanilang mga ulo! Nagpakita silang lahat na parang mga pinuno ng mga hukbo ng mga karwahe, mga kalalakihan sa Babilonia ang lugar ng kanilang kapanganakan. 16 Nang makita agad sila ng kaniyang mga mata, pinagnasahan na niya sila, kaya nagsugo siya ng mga mensahero sa kanila sa Caldea. 17 Pagkatapos dumating ang mga taga-Babilonia sa kaniya at sa kaniyang higaan ng pagnanasa, at ginawa nila siyang marumi sa pamamagitan nila na walang kahihiyan. Sa pamamagitan kung ano ang kaniyang ginawa siya ay naging marumi, kaya tumalikod siya palayo mula sa kanila dahil sa pagkayamot. 18 Ipinakita niya ang kaniyang mga gawa ng pagbebenta ng aliw at ipinakita niya ang kaniyang hubad na katawan, kaya tumalikod ang aking Espiritu mula sa kaniya, tulad lamang ng pagtalikod ng aking Espiritu mula sa kaniyang kapatid na babae! 19 At nakagawa siya ng napakaraming gawa ng pagbebenta ng aliw, na kaniyang inilagay sa kaniyang kaisipan at ginaya niya ang mga panahon ng kaniyang kabataan, Nang kumilos siya bilang isang nagbebenta ng aliw sa lupain ng Egipto! 20 Kaya nagnasa siya para sa kaniyang mga mangingibig, na ang maselang bahagi ng katawan ay tulad ng sa asno, at ang lumalabas upang mag-kaanak ay tulad ng sa kabayo. 21 At nakagawa siyang muli ng kahiya-hiyang pag-uugali sa kaniyang kabataan, nang kinakarinyo ang kaniyang mga suso ng mga taga-Egipto sapagkat nasa kasariwaan ang kaniyang mga suso! 22 Kung gayon, Oholiba, ito ang sinasabi ng Panginoon Yahweh, 'Masdan ninyo, papatalikurin ko ang iyong mangingibig laban sa iyo, dadalhin ko sila laban sa iyo mula sa bawat dako! 23 Sa mga Taga-Babilonia at sa lahat ng taga Caldeo! Pecod, Soa, at Koa! At sa lahat ng mga taga-Asiria na kasama nila! Malakas, makisig na kalalakihan! Mga gobernador at mga pinuno, lahat sila ay mga pinuno at mga kalalakihang may dangal! Nakasakay silang lahat sa mga kabayo! 24 Darating sila laban sa iyo na may mga sandata, at na may mga karwahe at mga karitob, at kasama ng napakaraming mga tao! Maghahanda sila ng malaking panangga, maliit na panangga, at mga helmet, laban sa inyong lahat na nakapalibot! Bibigyan ko sila ng pagkakataon upang parusahan kayo, at parurusahan nila kayo ayon sa inyong mga kinikilos! 25 Dahil itatakda ko ang aking galit sa inyo, at pakikitunguhan nila kayo ng may matinding galit! Tatapyasin nila ang iyong mga ilong at inyong mga tenga, at ang mga natira sa inyo ay papatayin sa pamamagitan ng espada! Kukunin nila ang inyong mga anak na lalake at inyong mga anak na babae, kaya lalamunin ng apoy ang inyong mga kaapu-apuhan! 26 Huhubarin nila ang inyong mga kasuotan at kukunin ang lahat ng inyong mga alahas! 27 Kaya aalisin ko ang pag-uugaling kahiya-hiya mula sa inyo at ang inyong mga gawa ng pagbebenta ng aliw mula sa lupain ng Egipto. Hindi ninyo itataas ang inyong mga paningin sa harapan nila na may pananabik, at hindi na ninyo iisipan pa ang Egipto! 28 Ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh, 'Masdan ninyo! Ibibigay ko kayo sa kamay ng mga kinamumuhian ninyo, ibabalik sa kamay kung kanino kayo tumalikod! 29 Pakikitunguhan nila kayo ng may pagkamuhi; Kukunin nila ang lahat ng inyong pag-aari at iiwan kayong walang kasuotan at hubad. Mahahayag ang hubad na kahihiyan ng inyong pagbebenta ng aliw, ang inyong kahiya-hiyang pag-uugali at kawalan ninyo ng delikadesa! 30 Mangyayari ang mga bagay na ito sa inyo sa inyong pagkilos tulad ng isang nagbebenta ng aliw, nagnanasa sa mga bansa sa pamamagitan kung saan kayo naging marumi kasama ng kanilang mga diyus-diyosan. 31 Lumakad kayo sa daan ng inyong mga kapataid na babae, kaya ilalagay ko ang saro ng kaparusahan sa inyong mga kamay!' 32 Ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh, 'Iinum ka sa saro ng iyong kapatid na babae, kung saan ito ay malalim at malawak; magiging katatawanan ka at isang paksa para sa panunuya—naglalaman ang sarong ito ng napakarami! 33 Mapupuno ka ng may kalasingan at kalumbayan, ang saro ng katatakutan at pagkawasak! Saro ito ng iyong kapatid na babaeng si Samaria! 34 Iinumin mo ito at uubusin; at dudurugin mo ito at tatanggalin ang iyong mga suso ng pira-piraso. Dahil ito ang ipinahayag ko! Ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh!' 35 Samakatuwid, ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh 'Sapagakat kinalimutan ninyo ako at tinalikuran ninyo ako, kaya dadalhin din ninyo ang kahihinatnan ng inyong kahiya-hiyang pag-uugali at mga gawa ng sekwal na imoralidad!" 36 Sinabi ni Yahweh sa akin, "Anak ng Tao, iyo bang hahatulan sina Ohola at Oholiba? Kaya ipakita mo sa kanila ang kanilang nakasusuklam na mga pagkilos, 37 yamang nakagawa sila ng pangangalunya, at mula noong may dugo sa kanilang mga kamay! Nakagawa sila ng pangangalunya, kasama ng kanilang mga diyus-diyosan at kahit na ipinasa nila ang kanilang mga anak na lalaki kung saan nayamot sila sa akin sa pamamagitan ng apoy upang masunog! 38 At nagpatuloy sila na gawin ito sa akin: Ginawa nilang marumi ang aking santuaryo, at sa araw ring iyon ay nilapastangan nila ang aking mga Araw ng Pamamahinga! 39 Dahil nang pinatay nila ang kanilang mga anak para sa kanilang mga diyus-diyosan, pagkatapos pumunta sila sa aking santuaryo ng araw ding iyon upang lapastanganin ito! Kaya masdan ninyo! Ito ang kanilang ginawa sa kalagitnaan ng aking tahanan! 40 Isinugo mo para sa mga kalalakihan na dumating mula sa malayo, kung kanino ang mga mensaherong isinugo—ngayon masdan mo! Sa katunayan dumating sila, sa kanilang iyong pinaliguan, iginuhit ang iyong mga mata, at pinaganda ang iyong mga sarili sa pamamagitan ng alahas. 41 At nakaupo ka sa ibabaw ng isang magandang higaan at isang dulang na nakagayak sa harapan nito. Pagkatapos inilagay ninyo ang aking insenso at aking langis sa ibabaw nito! 42 Kaya ang tinig ng maraming tao na may mga alalahanin ay kasama ninyo, at mga manginginom na dinala sa ilang na kasama ng ibang kalalakihan na walang halaga. Naglagay sila ng mga pulseras sa inyong mga kamay at mapalamuting mga korona sa inyong mga ulo. 43 Pagkatapos sinabi ko ang tungkol sa napagod sa mga gumagawa ng pangangalunya, 'Ngayon makikipagtalik sila sa kaniya, at siya ay makikipagtalik sa kanila.' 44 Pagkatapos pumunta sila at sumiping sa kaniya gaya ng nais nila sa sinumang nagbebenta ng aliw; sa ganoon ding pamamaraan sinipingan nila sina Ohola at Oholiba, mga babaeng nagkasala ng pangangalunya! 45 Ngunit hahatulan sila ng mga lalaking matuwid sa kaparusahan ng pangangalunya at kaparusahan sa mga nagbubo ng dugo, mula noong nagkasala sila ng pangangalunya at nagkaroon ng dugo sa kanilang mga kamay. 46 Kaya sinasabi ito ng Panginoong Yahweh: Magbabangon ako ng isang kapulungan laban sa kanila at ibibigay sila upang sindakin at nakawan. 47 Pagkatapos babatuhin sila ng bato ng kapulungan at tatagain sila ng mga espada. Papatayin nila ang kanilang mga anak na lalake at mga anak na babae at susunugin ang kanilang mga bahay! 48 Sapagkat aalisin ko ang nakahihiyang pag-uugali mula sa lupain at susupilin ang lahat ng mga kababaihan kaya hindi na sila gagawin ang tulad sa isang nagbebenta ng aliw. 49 Kaya ihahanda nila ang inyong nakahihiyang pag-uugali laban sa inyo. Inyong dadalhin ang kahatulan ng inyong mga kasalanan kasama ng inyong mga diyus-diyosan, at sa pamamaraang ito malalaman ninyo na ako ang Panginoong Yahweh!"
Chapter 24
1 Muling dumating ang salita ni Yahweh sa akin sa ika-siyam na taon, ang ika-sampung buwan sa ika-sampung araw ng buwan, at sinabi, 2 "Anak ng tao, isulat mo ang pangalan ng araw na ito para sa iyo, ang mismong araw na ito; sapagkat ang mismong araw na ito, sinalakay ng hari ng Babilonia ang Jerusalem. 3 At magsalita ng kawikaan laban sa mapanghimagsik na bahay na ito, isang talinghaga, at sabihin sa kanila, 'Sinasabi ito ng Panginoong Yahweh: Ilagay ang lutuang palayok! Ilagay ito! Lagyan din ng tubig ang loob nito! 4 Pagsama-samahin ang mga sangkap ng pagkain sa loob nito, bawat magagandang bahagi—ang hita at ang balikat; punuin ito nang pinakamainam na mga buto! 5 Kunin ang pinakamainam na kawan at ibunton ang mga buto sa ilalim nito; pakuluan ito ng maigi at lutuin din ang mga buto na nasa gitna nito. 6 Samakatuwid sinasabi ito ng Panginoong Yahweh: Aba sa lungsod ng dugo, isang lutuang palayok na may kalawang sa loob nito at hindi matatanggal ang kalawang na iyon! Tanggalin man ito ng pira-piraso, ngunit huwag magsapalaran para rito. 7 Sapagkat ang kaniyang dugo ay nasa kaniyang kalagitnaan! Inilagay niya ito sa makinis na bato; hindi niya ito ibinuhos sa lupa upang matakpan ito ng alikabok, 8 kaya magdadala ito nang matinding galit upang maging ganap na paghihiganti! Inilagay ko ang kaniyang dugo sa makinis na bato upang hindi ito matakpan! 9 Samakatuwid, sinasabi ito ng Panginoong Yahweh: Aba sa lungsod ng dugo! Lalakihan ko rin ang bunton ng kahoy! 10 Dadamihan ang kahoy! Sindihan ng apoy! Lutuin ang karne nang maigi at lagyan ng pampalasa? ang sabaw! At hayaang masunog nang mabuti ang mga buto! 11 Pagkatapos, ilagay ang palayok na walang laman sa uling, upang painitin at sunugin ang tanso nito, upang malusaw ang karumihan nito, masisira nito ang kalawang!' 12 Siya ay mapapagod dahil sa mabigat na trabaho, ngunit ang kaniyang kalawang ay hindi matanggal sa kaniya sa pamamagitan ng apoy. 13 Ang iyong nakakahiyang pag-uugali ay nasa iyong karumihan, dahil nilinis kita, ngunit nanatili ka paring marumi. Hindi ka parin magiging malaya mula sa iyong karumihan hanggang humupa ang matinding galit ko sa iyo. 14 Ako, si Yahweh, ipinahayag na mangyayari ito, at gagawin ko ito! Hindi ako magbabalik-loob ni manghihinayang dito. Gaya ng inyong mga pamamaraan, at ayon sa iyong mga gawain, hahatulan ka nila! —ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh." 15 Pagkatapos, ang salita ni Yahweh ay dumating sa akin at sinabi, 16 "Anak ng tao, masdan! Aalisin ko ang nais ng iyong mga mata sa pamamagitan ng isang salot, ngunit hindi ka dapat tumangis ni umiyak at hindi dapat umagos ang iyong mga luha. 17 Dapat kang maghinagpis nang tahimik. Huwag magsagawa ng pagluluksa para sa patay. Itali ang iyong turbante at isuot mo ang sandalyas sa iyong paa, ngunit huwag mong takpan ng belo ang iyong balbas o kainin ang tinapay ng mga kalalakihang nagdadalamhati sapagkat namatay ang kanilang mga asawa." 18 Kaya nakipag-usap ako sa mga tao sa umaga, at kinagabihan namatay ang aking asawa. At ginawa ko kinabukasan ang iniutos sa akin. 19 Tinanong ako ng mga tao, "Hindi mo ba sasabihin sa amin kung ano ang ibig sabihin ng mga bagay na ito, ang mga bagay na iyong ginagawa?" 20 Kaya sinabi ko sa kanila "Ang salita ni Yahweh ay dumating sa akin at sinabi, 21 'Sabihin mo sa sambahayan ng Israel, sinasabi ito ng Panginoong Yahweh: Masdan! Ang kapalaluan ng inyong lakas, ang nais ng inyong mga mata, at ang inyong mga pagnanasa ang dumudungis sa aking santuwaryo! Kaya ang inyong mga anak na lalaki at mga anak na babae na inyong iniwan ay babagsak sa pamamagitan ng espada. 22 At gagawin ninyo ang mismong ginawa ko: hindi ninyo tatakpan ng belo ang inyong balbas, ni kumain ng mga tinapay ng mga kalalakihang nagluluksa! 23 Sa halip, ang inyong mga turbante ay ilalagay sa inyong mga ulo at ang inyong mga sandalyas sa inyong mga paa; hindi kayo tatangis ni iiyak, sapagkat matutunaw kayo sa inyong mga kasamaan at ang bawat kalalakihan ay maghihinagpis para sa kaniyang kapatid na lalaki. 24 Kaya si Ezekiel ay magiging tanda para sa inyo, ang lahat ng mga bagay na kaniyang ginawa ay inyong gagawin kapag ito ay dumating. At malalaman ninyo na ako ang Panginoong Yahweh!"' 25 "Ngunit ikaw, anak ng tao, sa araw na mabibihag ko ang kanilang templo, na kanilang kagalakan, ang kanilang kapalaluan at kung ano ang kanilang nakikita at hinahangad—at kapag kinuha ko ang kanilang mga anak na lalaki at mga babae— 26 sa araw na iyon, isang nakatakas ang pupunta sa inyo upang ipaalam sa inyo ang balita! 27 Sa araw na iyon, bubuka ang iyong bibig sa nakatakas na iyon at ikaw ay magsasalita—hindi ka na mananahimik kailanman. Ikaw ay magiging tanda sa kanila upang malaman nila na ako si Yahweh!"
Chapter 25
1 Pagkatapos dumating ang salita ni Yahweh sa akin at sinabing, 2 "Anak ng tao, iharap mo ang iyong mukha laban sa mga tao ng Ammon at magpropesiya ka laban sa kanila. 3 Sabihin mo sa mga mamamayan ng Ammon, 'Pakingggan ang salita ng Panginoong Yahweh. Ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh: Sinabi ninyo, "Aha" laban sa aking santuwaryo nang lapastanganin ito, at laban sa lupain ng Israel nang pinabayaan ito, at laban sa sambahayan ng Juda nang sila ay dalhing bihag. 4 Kaya masdan ninyo! ibibigay ko kayo sa mga tao sa silangan bilang kanilang mga pag-aari; maghahanda sila ng mga kampamento laban sa inyo at gagawa ng mga tolda sa inyo. Kakainin nila ang inyong prutas, at iinumin nila ang inyong mga gatas! 5 At gagawin kong isang pastulan si Rabba ng mga kamelyo at ang mga mamamayan ng Ammon ay isang pastulan ng mga tupa, kaya inyong malalaman na ako si Yahweh! 6 Sapagkat ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh: Ipinalakpak ninyo ang inyong mga kamay at ipinadyak ang inyong mga paa, at nagalak sa lahat ng mga paghamak sa inyo laban sa lupain ng Israel. 7 Kaya masdan ninyo! Hahampasin ko kayo ng aking kamay at ibibigay ko kayo bilang mga samsam sa mga bansa. Ihihiwalay ko kayo mula sa mga tao at kayo lamang ang pupuksain mula sa maraming mga bansa! Wawasakin ko kayo, at inyong malalaman na ako si Yahweh!' 8 Ito ang sinasabi ng Panginoon Yahweh, 'Dahil sinasabi ng Moab at Seir, "Masdan ninyo! Ang sambahayan ni Juda ay tulad ng ibang mga bansa!" 9 Kaya nga masdan ninyo! bubuksan ko ang libis ng Moab, simula sa mga hangganan ng kaniyang mga lunsod— Ang karangyaan ng Beth-jesimot, Baal-meon, at 10 Kiryataim—Sa mga tao ng silangan na laban sa mga tao ng Ammon. Ibibigay ko sila na parang isang pag-aari kaya hindi na maaalala pa ang mga mamamayan ng Ammon sa mga bansa. 11 Kaya magsasagawa ako ng mga kahatulan laban sa Moab, at kanilang malalaman na ako si Yahweh!' 12 Ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh, 'Maghihiganti ang Edom laban sa sambahayan ng Juda at sa nakagawa rin ng pagkakamali na gawin ito. 13 Kaya, ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh: Hahampasin ko ang Edom ng aking kamay at wawasakin ang bawat tao at hayop doon. Gagawin ko silang isang sira, iniwang lugar, mula sa Teman at Dedan. Sila ay mahuhulog sa pamamagitan ng mga espada! 14 Sa ganitong pamamaraan maghihiganti ako sa Edom sa pamamagitan ng kamay ng aking mamamayang Israel, at gagawin nila sa Edom ang ayon sa aking poot at matinding galit! Kaya malalaman nila ang aking paghihiganti! —ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh!' 15 Ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh, 'naghiganti ang mga Filisteo ng may masamang hangarin at mula sa kanilang mga sarili paulit-ulit nilang sinubukang wasakin ang Juda. 16 Kaya ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh: Masdan ninyo! Iaabot ko ang aking kamay laban sa mga Filisteo, at ihihiwalay ko ang mga taga-Creta at wawasakin ang mga nalabi na nasa gilid ng baybayin ng dagat! 17 Maghihiganti ako ng labis sa kanila na may matinding galit ng kaparusahan, kaya malalaman nila na ako si Yahweh, kapag isinagawa ko ang paghihiganti sa kanila!"
Chapter 26
1 Sa ika-labing isang taon, sa unang araw ng buwan, dumating sa akin ang salita ni Yahweh at sinabi, 2 "Anak ng tao, dahil sinabi ng Tiro laban sa Jerusalem na, 'Aha! Nasira na ang mga tarangkahan ng mga tao! Humarap na siya sa akin; Ako ay mapupuno habang siya ay nasisira!' 3 Kaya sinasabi ito ng Panginoong Yahweh, 'Makinig! Ako ay laban sa iyo, Tiro, at magtatatag ako ng maraming bansa laban sa iyo tulad ng pagtaas ng dagat sa mga alon nito! 4 Wawasakin nila ang mga pader ng Tiro at gigibain ang kaniyang mga tore. Wawalisin ko ang kaniyang alikabok at gagawin ko siyang tulad ng isang hubad na bato. 5 Magiging isang lugar siya na patuyuan ng mga lambat sa gitna ng dagat, yamang ipinahayag ko ito —ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh —at magiging samsam siya para sa mga bansa! 6 Papatayin sa pamamagitan ng mga espada ang kaniyang mga anak na babae na nasa bukid at malalaman nilang ako si Yahweh! 7 Sapagkat sinasabi ito ng Panginoong Yahweh: Masdan! Dadalhin ko si Nebucadnezar, ang hari ng Babilonia, laban sa Tiro na nasa silangan, ang hari ng mga hari na may mga kabayo, mga karwahe, at kabalyero! Isang malaking hukbo ng maraming tao! 8 Papatayin niya ang iyong mga anak na babae sa mga bukirin gamit ang espada at magtatayo ng mga tanggulan laban sa iyo. Gagawa siya ng mga rampang panglusob laban sa iyo at itataas ang mga kalasag laban sa iyo! 9 Ilalagay niya ang kaniyang malalaking trosong panggiba upang hampasin ang iyong mga pader at ang kaniyang mga kagamitan ang gigiba sa iyong mga tore! 10 Tatabunan ka niya ng alikabok ng napakaraming kabayo! Yayanig ang iyong mga pader sa tunog ng mga kabayo at mga gulong ng mga karwahe kapag pumasok na siya sa iyong mga tarangkahan gaya ng pagsalakay sa mga tarangkahan ng lungsod! 11 Tatapak-tapakan ng kaniyang mga kabayo ang lahat ng iyong mga lansangan; papatayin niya ang iyong mga tao gamit ang espada at babagsak sa lupa ang iyong matitibay na mga haligi. 12 Sa paraang ito nanakawin nila ang iyong lakas at ang iyong mga kalakal! Gigibain nila ang iyong mga pader at ang iyong mga maririwasang bahay hanggang ang iyong bato at kahoy at alikabok ay mailatag sa gitna ng katubigan. 13 Sapagkat patitigilin ko ang ingay ng iyong mga awitin at hindi na maririnig pa ang tunog ng iyong mga lira! 14 Sapagkat gagawin kitang puro bato lamang; magiging isang lugar ka na patuyuan ng mga lambat. Hindi ka na muling maitatayo pa, dahil ako, si Yahweh, ay ipinahayag ito! - ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh!' 15 Sinasabi ito ng Panginoong Yahweh sa Tiro, 'Hindi ba mayayanig ang mga isla sa tunog ng iyong pagbagsak at sa pagdaing ng mga nasugatan kapag ang katakot-takot na pagpatay ay nasa iyong kalagitnaan? 16 Dahil bababa sa kanilang mga trono ang lahat ng mga namumuno ng karagatan at isasantabi ang kanilang mga balabal at huhubarin ang kanilang mga makukulay na kasuotan! Babalutin nila ng takot ang kanilang mga sarili! Uupo sila sa lupa at tuloy-tuloy na mangangatog at manginginig sa takot sa iyo! 17 Aawitan ka nila ng awit ng panaghoy para sa iyo at sasabihin nila sa iyo, Paanong ikaw, na siyang tinitirahan ng mga mandaragat, ay nawasak! Ang tanyag na lungsod na napakalakas - ngayon ay naglaho na sa dagat! At ang mga nananahan sa kaniya ay minsang nagbigay takot sa lahat ng iba pang naninirhan malapit sa kanila. 18 Yumayanig ngayon ang mga baybayin sa araw ng iyong pagbagsak! Nasisindak ang mga isla sa karagatan dahil ikaw ay namatay. 19 Dahil sinasabi ito ng Panginoong Yahweh: Kapag ginawa kitang isang mapanglaw na lungsod, tulad ng ibang mga lungsod na walang naninirahan, kapag itinaas ko ang kailaliman laban sa iyo at kapag tinabunan ka ng malalaking katubigan, 20 pagkatapos ay ibababa kita sa mga tao ng sinaunang panahon tulad ng iba na bumaba sa hukay; dahil gagawin kitang naninirahan sa pinakamababang bahagi ng lupa gaya ng mga nasira noong sinaunang panahon. Dahil dito hindi ka na makakabalik sa lupain kung saan nabubuhay ang mga tao. 21 Ipaparanas ko sa iyo ang mga kapahamakan, at ganap kang mawawala. Pagkatapos ikaw ay hahanapin, ngunit hindi ka na muli pang mahahanap - ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh!"'
Chapter 27
1 Muling dumating sa akin ang salita ni Yahweh at sinabi, 2 "Ngayon ikaw, anak ng tao, magsimula ka ng panaghoy tungkol sa Tiro, 3 at sabihin sa Tiro, 'Ikaw na nananahan sa pasukan ng dagat, mga mangangalakal ng mga tao sa maraming mga isla, sinasabi ito ng Panginoong Yahweh: Tiro! Sinabi mo, "Wala akong kapintasan sa kagandahan!" 4 Nasa pusod ng mga karagatan ang iyong mga hangganan; ginawang walang kapintasan ng iyong mga manggagawa ang iyong kagandahan. 5 Ginawa nila ang iyong mga tabla mula sa mga pirs na galing sa Bundok ng Hermon; kumuha sila ng sedar mula sa Lebanon upang makagawa ng poste ng barko para sa iyo. 6 Ginawa nila ang iyong mga sagwan mula sa mga owk mula sa Bashan; ginawa nila ang iyong mga palapag mula sa kahoy na galing sa Cyprus at pinalamutian nila ito ng garing. 7 Makukulay na lino ang iyong mga layag na galing sa Egipto na parang inyong mga bandera! 8 Ang mga taong naninirahan sa Sidon at Arvad ay ang iyong mga taga-sagwan; ang mga taga-Tiro ay nasa sa iyo; sila ang iyong mga kapitan. 9 Ang iyong mga lamat ay pinunan ng mga bihasang manggagawa; dala-dala ng lahat ng mga barko sa dagat at ng kanilang mga manlalayag ang iyong mga kalakal na pangkalakal! 10 Nasa iyong hukbo ang mga taga-Persia, Lydia at Libya, ang iyong mga mandirigma! Isinabit nila sa iyo ang mga kalasag at mga helmet; ipinakita nila ang iyong kaluwalhatian! 11 Nakapalibot sa iyong mga pader ang mga kalalakihan ng Arvad at Helec sa iyong hukbo at ang mga tao sa Gamad ay nasa iyong mga tore! Isinabit nila ang kanilang mga kalasag sa iyong mga pader sa palibot mo! Kinumpleto nila ang iyong kagandahan! 12 Naging suki mo ang Tarsis dahil sa napakaraming uri ng kayamanan: pilak, bakal, lata, at tingga. Binili at ibinenta nila ang iyong mga paninda! 13 Ang Javan, Tubal, at Meshec—nagpalitan sila ng mga alipin at mga kagamitang gawa sa tanso. Sila ang namahala sa iyong mga kalakal. 14 Nagbigay ang Beth-Togarma ng mga kabayo, mga lalaking kabayo at mola bilang iyong mga pangkalakal. 15 Ang mga kalalakihan ng Rodes ang iyong naging mga mangangalakal sa maraming mga baybayin. Nasa iyong mga kamay ang mga kalakal; nagpadala sila pabalik ng mga sungay, garing, at itim na kahoy bilang pagpaparangal! 16 Naging mangangalakal mo ang Aram sa karamihan ng iyong produkto; nagbigay sila ng mga esmeralda, mga telang kulay lila, pinong tela, mga perlas at mga pulang rubi bilang iyong mga kalakal. 17 Nakikipagpalitan sa iyo ang Juda at ang lupain ng Israel. Nagbibigay sila ng trigo mula sa Minith, trigo, pulot, langis at balsamo bilang iyong mga kalakal. 18 Ang Damasco ay iyong mangangalakal sa lahat ng iyong mga produkto, lahat ng iyong napakalaking kayamanan, at ng alak ng Helbon at lana ng Zahar. 19 Binigyan ka ng mga taga-Dan at mga taga-Javan na mula sa Uzal ng mga kalakal na yari sa bakal, kanela at kalamo. 20 Naging kalakal ang mga ito para sa iyo. Mga pinong upuang kumot naman ang kinakalakal sa iyo ng Dedan. 21 Ang Arabia at ang lahat ng mga pinuno ng Kedar ay mga nakikipagkalakalan sa iyo; sa kanila nanggagaling ang mga tupa, mga lalaking tupa at mga kambing. 22 Pumupunta sa iyo ang mga mangangalakal ng Seba at Raama upang ibenta sa iyo ang bawat pinakamasasarap na pampalasa at ang lahat ng uri ng mga mamahaling bato; at nakikipagkalakalan sila ng ginto para sa iyong mga kalakal. 23 Nakikipagkalakalan sa iyo ang Haran, Canne at ang Eden, kasama ng Seba, Assur at Kilmad. 24 Ito ang mga nangangalakal sa iyo ng pinalamutiang balabal na kulay lila ang tela na may makukulay na habi at mga sari-saring kulay ng mga kumot, naburdahan at telang pulido ang pagkakahabi sa iyong mga pamilihan. 25 Ang mga barko ng Tarsis ang mga tagapagdala ng iyong mga kalakal! Kaya ikaw ay napuno lulan ng mabibigat na mga kalakal sa pusod ng mga karagatan! 26 Dinala ka ng iyong mga tagasagwan sa mga malalawak na karagatan; winasak ka ng hangin ng silangan sa kanilang kalagitnaan. 27 Ang iyong kayamanan, produkto at mga kalakal; ang iyong mga marino, mandaragat, at mga manggagawa ng barko; ang iyong mga mangangalakal ng mga produkto at ang lahat ng mga kalalakihang mandirigmang nasa iyo at lahat ng iyong mga tauhan - lulubog sila sa kailaliman ng dagat sa araw ng iyong pagkawasak. 28 Yayanig ang mga lungsod sa karagatan sa tunog ng sigaw ng iyong kapitan; 29 Bababa ang lahat ng mga humahawak ng sagwan mula sa kanilang mga barko; tatayo sa lupa ang mga marino at bawat manlalayag ng dagat. 30 Pagkatapos ay ipaparinig nila sa iyo ang kanilang mga boses at mananaghoy ng buong kapaitan; lalagyan nila ng alikabok ang kanilang mga ulo. Gugulong-gulong sila sa mga abo. 31 Kakalbuhin nila ang kanilang mga ulo para sa iyo at babalutin ang kanilang mga sarili gamit ang sako, at tatangis sila nang may pait at sila ay sisigaw. 32 Lalakasan nila ang kanilang pagdaing ng panaghoy para sa iyo at aawit ng panambitan sa iyo, Sino ang tulad ng Tiro, na ngayon ay nadala sa katahimikan sa kalagitnaan ng dagat? 33 Nang dumaong ang iyong mga kalakal mula sa dagat, nasiyahan ang maraming tao; pinayaman mo ang mga hari ng mundo sa iyong labis na kayamanan at kalakal! 34 Ngunit nang mawasak ka ng karagatan, sa pamamagitan ng mga katubigan, lumubog ang iyong mga kalakal at ang lahat ng iyong mga tripulante! 35 Nanlumo sa iyo ang lahat ng mga naninirahan sa mga baybayin at nanginig sa takot ang kanilang mga hari! Nanginig ang kanilang mga mukha! 36 Pinalatakan ka ng mga mangangalakal ng mga tao; ikaw ay naging isang katatakutan at hindi ka na muling mabubuhay kailanman.'"
Chapter 28
1 Pagkatapos nagsalita si Yahweh sa akin at sinabi, 2 "Anak ng tao, sabihin mo sa namumuno ng Tiro, 'Ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh: Mapagmataas ang iyong puso! Sinabi mo, "Ako ay isang diyos! Uupo ako sa upuan ng mga diyos sa kalagitnaan ng dagat!" Kahit na ikaw ay tao at hindi Diyos, ginawa mo ang inyong puso na gaya ng puso ng isang diyos; 3 iniisip mo na mas matalino ka kaysa kay Daniel, at walang lihim na nakamamangha sa iyo! 4 Pinayaman mo sa karunungan at kahusayan mo ang iyong sarili at nagtamo ka ng ginto at pilak sa iyong kabang yaman! 5 Sa pamamagitan ng iyong labis na kaalaman at sa iyong pangangakalakal, naparami mo ang iyong kayamanan, kaya ang iyong puso ay mapagmataas dahil sa iyong kayamanan! 6 Kaya, sinabi ito ng Panginoong Yahweh: Dahil ginawa mo ang iyong puso na tulad ng puso ng isang diyos, 7 kaya magpapadala ako ng mga dayuhan laban sa iyo, kakilakilabot na mga kalalakihan mula sa ibang mga bansa! At dadalhin nila ang kanilang mga espada laban sa kagandahan ng iyong karunungan at hindi nila igagalang ang iyong kaningningan! 8 Dadalhin ka nila sa hukay at ang kamatayan mo ay kamatayan ng mga namatay sa ilalim ng mga dagat! 9 Masasabi mo pa kaya na, "Ako ay isang diyos" sa harapan ng taong papatay sa iyo? Ikaw ay isang tao at hindi Diyos at ikaw ay nasa kamay ng sasaksak sa iyo! 10 Ang ikamamatay mo ay ang kamatayan ng hindi natuli sa kamay ng mga dayuhang, sapagkat ipinahayag ko ito---ito ang kapahayagan ng Panginoong Yahweh!"' 11 Nagsalitang muli sa akin si Yahweh at sinabi, 12 "Anak ng tao, lakasan mo ang pagtangis para sa hari ng Tiro at sabihin sa kaniya, 'Ito ang sinabi ng Panginoong Yahweh: Ikaw ang halimbawa ng walang kapintasan, punong-puno ng karunungan at walang kapintasan na kagandahan! 13 Ikaw ay nasa Eden, ang hardin ng Diyos! Bumabalot sa iyo ang bawat mahahalagang bato: carnelian, krisolait, at onise! Topaz, at diyamanteng nagniningning, at jasper! Safiro, esmeralda at berilo! Sa ginto nakahulma ang mga batong ito para sa iyo! Inihanda nila ang mga ito upang ipasuot sa iyo sa araw na ikaw ay lilikhain! 14 Inilagay kita sa banal na bundok ng Diyos gaya ng kerubin na itinalaga ko upang magbantay sa sangkatauhan! Nasa gitna ka ng mga kumikinang na mga bato kung saan ka naglakad. 15 Mayroon kang karangalan sa iyong mga pamamaraan mula sa araw na ikaw ay nilikha hanggang sa nakita sa iyo ang kawalan ng katarungan. 16 Sa dami ng bilang ng iyong kalakal napuno ka ng karahasan, kaya ka nagkasala! Itinapon kitang narumihan mula sa bundok ng Diyos at sinira kita, ikaw, na bantay na kerubin, mula sa mga kumikinang na bato. 17 Ang iyong puso ay mapagmataas dahil sa iyong kagandahan; sinira mo ang iyong karunungan dahil sa inyong kaningningan! Inihagis kita sa lupa! Inilagay kita sa harapan ng mga hari upang makita ka nila! 18 Dahil sa marami mong kasalanan at sa iyong hindi tapat na pangakalakal, dinungisan mo ang iyong mga banal na lugar! Kaya nagpalabas ako ng apoy galing sa iyo; tutupukin ka nito. Gagawin kitang abo sa mundo sa harapan ng lahat na manonood sa iyo. 19 Lahat ng mga nakakilala sa iyo na kabilang sa mga tao ay iiling sa iyo; masisindak sila at hindi ka na mabubuhay muli!'''' 20 At nagsalita sa akin si Yahweh at sinabi, 21 "Anak ng tao, ibaling mo ang iyong mukha laban sa Sidon at magpahayag laban sa kaniya! 22 Sabihin mo, 'Sinasabi ito ng Panginoong Yahweh: Masdan! Ako ay laban sa iyo, Sidon! Dahil ako ay maluluwalhati sa gitna mo upang malaman ng iyong mga tao na ako si Yahweh kapag iginawad ko na ang katarungan sa iyo. Makikita nila sa inyo na ako ay banal! 23 Magpapadala ako ng salot sa iyo at dugo sa inyong mga lansangan at ang mga pinaslang ay babagsak sa kalagitnaan mo. Kapag dumating ang espada laban sa iyo mula sa lahat ng dako, dito mo malalaman na ako si Yahweh! 24 Pagkatapos noon ay wala ng dawag na nakakasalubsob at mga tinik na nagpapahirap sa sambahayan ng Israel sa alin man sa nakapalibot sa kaniya na nanlalait sa kaniyang mga tao, kaya malalaman nila na ako ang Panginoong Yahweh!' 25 Ito ang sinabi ng Panginoong Yahweh, "Kapag tinipon ko ang sambahayan ng Israel mula sa mga tao na kung saan sila naikalat, at kapag ako ay naitalaga sa kanila, upang makita ng ibang mga bansa. Pagkatapos ay gagawa sila ng kanilang mga tahanan doon sa lupain na ibibigay ko kay Jacob na aking lingkod! 26 At sila ay mamuhay ng matiwasay roon at magtatayo sila ng mga bahay, magtanim ng mga ubasan at mamuhay sila ng matiwasay kapag isakatuparan ko ang kahatulan sa lahat ng namumuhi sa kanila mula sa iba't-ibang dako; upang malaman nila na ako si Yahweh ang Diyos nila!"'
Chapter 29
1 Sa ika-sampung taon, sa ika-siyam na buwan at ika-labing dalawang araw ng buwan, nagsalita sa akin si Yahweh at sinabi, 2 "Anak ng tao, ihanda mo ang iyong sarili laban sa Paraon, ang hari ng Egipto; magpahayag ka laban sa kaniya at laban sa lahat ng taga Egipto! 3 Ipahayag mo at sabihin, 'Ang Panginoong Yahweh ang nagsabi nito: Masdan! Laban ako sa iyo, Paraon, hari ng Egipto! Ikaw, ang dambuhalang nilalang sa dagat na nakahiga sa ilalim ng ilog, na nagsasabi sa akin, "Pinagawa ko ang ilog para sa sarili ko!" 4 Dahil maglalagay ako ng pangawil sa iyong panga at ang mga isda ng iyong Nilo ay kakapit sa iyong mga kaliskis; iaangat kita paitaas mula sa gitna ng iyong ilog kasama ang lahat ng isda sa ilog na kumapit sa iyong kaliskis. 5 Itatapon kita pababa sa ilang, ikaw at ang lahat ng isda mula sa iyong ilog. Malalaglag ka sa ibabaw ng parang, hindi ka pupulutin ni itataas. Ibibigay kita bilang pagkain ng mga nabubuhay na mga bagay sa mundong ito at mga ibon sa mga kalawakan! 6 At malalaman ng lahat ng mga naninirahan sa Egipto na ako si Yahweh, dahil sila ay naging tungkod na tambo sa sambahayan ng Israel! 7 Nang mahawakan ka nila sa kanilang kamay, nabali ka at nagkaputol-putol at tinusok mo ang kanilang balikat, at nang sumandal sila sa iyo, dinurug mo ang kanilang mga hita at pinanginig mo ang kanilang balakang. 8 Kaya ito ang sinasabi ni Yahweh: Masdan! Magdadala ako ng espada laban sa iyo; papatayin kong pareho mula sainyo ang tao at ang hayop. 9 Kaya magigiba at masisira ang lupain ng Egipto; at malalaman nila na ako si Yahweh, dahil sinabi ng dambuhala sa dagat, "Ang ilog ay akin, dahil ako ang gumawa nito!'' 10 Kaya, masdan! Laban ako sa iyo at laban sa iyong ilog, kaya gagawin kong ilang ang lupain ng Egipto at hindi mapakinabangan, kaya ikaw ay magiging lupain na walang pakinabang magmula sa Migdol hanggang Sevene at sa mga hangganan ng Kush. 11 Walang paa ng tao ang dadaan dito! Walang paa ng mga hayop ang dadaan dito! At hindi ito matitirahan ng apatnapung taon! 12 Dahil gagawin kong ilang sa gitna ng mga lupain ng Egipto na hindi natirahan at ang kaniyang mga lungsod sa gitna ng mga walang pakinabang na lungsod at magiging ilang ng apatnapung mga taon; pagkatapos ay ikakalat ko ang mga taga-Egipto sa mga bansa at paghihiwa-hiwalayin ko sila sa mga lupain. 13 Sapagkat ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh: Sa pagtatapos ng apatnapung taon, titipunin ko ang mga taga-Egipto mula sa mga tao kung saan sila ikinalat. 14 Ibabalik ko ang mga kabuhayan sa Egipto at ibabalik ko sila sa lupain ng Patros, sa lupain kung saan sila nagmula. Pagkatapos sila ay magiging isang mababang kaharian doon. 15 At ito ang magiging pinakamababa sa mga kaharian at hindi na siya kailanman makakahigit sa ibang mga bansa. At babawasan ko sila upang hindi sila muling mamumuno sa mga bansa. 16 At hindi na ang mga taga-Egipto ang idadahilan na sasandalan ng mga sambayanan ng Israel. Sa halip, ipaalaala nila sa mga sambayanan ni Israel ang kanilang nagawanng kasalanan noong sila ay nagpunta sa Egipto upang humingi ng tulong. Pagkatapos ay malalaman nila na Ako ang Panginoon Yahweh!"" 17 At nangyari na noong ika-dalawampu at pitong taon sa unang araw ng unang buwan, nagsalita sa akin si Yahweh at sinabi, 18 "Anak ng tao, inihanda na ni Nebucadnezar na hari ng Babilonia ang kaniyang mga kawal upang gawin ang mabigat na gawain laban sa Tiro. Bawat ulo ay naahit at bawat balikat ay nalapnos ngunit kahit kailan wala silang bayad mula sa Tiro para sa kaniya at sa kaniyang hukbo sa mabigat na trabaho na ginawa nila laban sa Tiro. 19 Kaya ito ang sinabi ng Panginoong Yahweh, 'Masdan! Ibibigay ko ang lupain ng Egipto kay Nebucadnezar na hari ng Babilonia at hahakutin nila ang mga kayamanan nila at lilimasin ang mga ari-arian at dadalhin lahat ang kaniyang matagpuan doon; at iyan ang maging sahod ng kaniyang mga kawal! 20 Ibinigay ko sa kaniya ang lupain ng Egipto para sa mga sahod sa ginawa nilang trabaho para sa akin - ito ang ipinahayag ng Panginoong Yahweh. 21 Sa araw na iyon ay palilitawin ko ang isang sungay para sa sambahayan ni Israel, at pagsasalitain ko kayo sa gitna nila, upang malaman nila na ako si Yahweh!"'
Chapter 30
1 Ang salita ni Yahweh ay dumating sa akin at sinabi, 2 "Anak ng tao, magpropesiya ka at sabihin, 'ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh: Managhoy, "Aba sa darating na araw!" 3 Ang araw ay malapit na! Malapit na ang araw para kay Yahweh! Magiging maulap ang araw na ito, isang panahon ng katapusan para sa mga bansa! 4 At isang espada ang darating laban sa Egipto at magkakaroon ng pagdadalamhati sa Cush kapag babagsak sa Egipto ang mga taong pinatay—kapag kinuha nila ang kaniyang kayamanan at kapag gumuho ang kaniyang mga pundasyon! 5 Ang Cush, Libya at Lidya at ang lahat ng mga dayuhan kasama ang mga taong kabilang sa kasunduan—babagsak silang lahat sa pamamagitan ng espada! 6 Sinasabi ito ni Yahweh: Kaya ang sinumang tutulong sa Egipto ay babagsak, at ang kapalaluan ng kaniyang lakas ay manghihina. Mula sa Migdal patungo sa Sevene ang kanilang mga kawal ay babagsak sa pamamagitan ng espada! —ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh! 7 Manlulumo sila sa gitna ng nilayasang mga lupain, at ang kanilang mga lungsod ay magiging kabilang ng lahat ng mga nasirang lungsod! 8 At malalaman nilang ako si Yahweh, kapag susunugin ko ang Egipto, at kapag nawasak ang lahat ng kaniyang mga katulong! 9 Sa araw na iyon magsisilabasan ang mga mensahero mula sa harapan ko sa mga barko upang kilabutan ang matiwasay na Cush, at magkakaroon ng pagdadalamhati sa kanila sa araw ng pagwakas ng Egipto. Sapagkat masdan! Ito ay paparating! 10 Sinasabi ito ng Panginoong Yahweh: Wawakasan ko ang karamihan sa Egipto sa pamamagitan ng kamay ni Nebucadnezar, ang hari ng Babilonia. 11 Siya at ang kaniyang hukbong kasama niya, ang kinatatakutan ng mga bansa ay dadalhin upang sirain ang lupain; ilalabas nila ang kanilang mga espada laban sa Egipto at pupunuin ang lupain ng mga patay na tao! 12 Gagawin kong tuyong lupa ang mga ilog, at ibebenta ko ang lupain sa kamay ng mga masasamang tao. Pababayaan ko ang lupain at ang kabuuan nito sa pamamagitan ng kamay ng mga banyaga! Ako, si Yahweh, ang nagpapahayag nito! 13 Sinasabi ito ng Panginoong Yahweh: Sisirain ko ang mga diyus-diyosan at wawakasan ko ang mga walang silbing diyus-diyosan ng Memfis. Wala ng magiging prinsipe sa lupain ng Egipto at maglalagay ako ng katatakutan sa lupain ng Egipto! 14 Pagkatapos, pababayaan ko ang Patros at susunugin ko ng apoy ang Zoan, at magsasagawa ako ng mga kahatulan sa Tebez. 15 Sapagkat ibubuhos ko ang aking matinding galit sa Pelesium, ang tanggulan ng Egipto, at papatayin ang karamihan ng Tebez. 16 Pagkatapos, susunugin ko ng apoy ang Egipto. Magiging labis ang kahirapan ng Pelesium at ang Tebez ay mawawasak. Araw-araw ay magkakaroon ng mga kaaway ang Memfis! 17 Ang mga binata sa Heliopolis at Bubastis ay babagsak sa pamamagitan ng espada at ang kanilang mga lungsod ay mabibihag. 18 Sa Tafnes, hindi magliliwanag ang araw na iyon kapag sisirain ko ang pamatok ng Egipto roon at ang kapalaluan ng kaniyang lakas ay magwawakas. Magkakaroon ng ulap na kukubkob sa kaniya at ang kaniyang mga anak na babae ay dadaan sa pagkakabihag. 19 Magsasagawa ako ng paghuhukom sa Egipto, at malalaman nila na ako si Yahweh."' 20 At nangyari nga sa ika-labingisang taon, sa unang buwan, sa ika-pitong araw ng buwan, na ang salita ni Yahweh ay dumating sa akin at sinabi, 21 "Anak ng tao, binali ko ang braso ng Paraon, ang hari ng Egipto. Masdan! Hindi ito nabendahan at hindi makatatanggap ng gamot; walang sinuman ang makakapaglagay ng benda nito, kaya wala itong magiging sapat na lakas upang humawak ng espada. 22 Samakatuwid sinasabi ito ng Panginoong Yahweh, 'Masdan ang Paraon, ang hari ng Egipto! Sapagkat babaliin ko ang kaniyang braso, ang malakas at ang bali na, at pababagsakin ko ang espada mula sa kaniyang kamay. 23 Pagkatapos ay ikakalat ko ang Egipto sa mga bansa at pagwawatak-watakin sila sa mga lupain. 24 Palalakasin ko ang mga braso ng hari ng Babilonia at ilalagay ko ang aking espada sa kaniyang kamay upang maaari kong masira ang mga braso ng Paraon. Maghihinagpis siya sa harapan ng hari ng Babilonia tulad ng paghihinagpis ng taong mamamatay na. 25 Sapagkat palalakasin ko ang mga braso ng hari ng Babilonia, habang bumabagsak ang mga braso ng Paraon. Pagkatapos, malalaman nila na ako si Yahweh, kapag inilagay ko ang aking espada sa kamay ng hari ng Babilonia; sapagkat kaniyang lulusubin ang lupain ng Egipto gamit ito. 26 Kaya ikakalat ko ang Egipto sa mga bansa at pagwatak-watakin sila sa mga lupain. At malalaman nila na ako si Yahweh!"'
Chapter 31
1 At nangyari ito sa ikalabing isang taon sa unang araw ng ikatlong buwan na ang salita ni Yahweh ay dumating sa akin at sinabi, 2 "Anak ng tao, sabihin mo kay Faraon, ang hari ng Egipto, at sa kaniyang mga tagapaglingkod na nakapalibot sa kaniya, 'Sa iyong kadakilaan, sino ang katulad mo? 3 Masdan ninyo! Ang Asiria ay isang punong sedar sa Lebanon na may mga magagandang sanga, mayayabong na lilim, at napakataas! At ang dulo nito ay nasa itaas ng mga sanga. 4 Pinataas ito ng maraming tubig; pinalaki ito ng mga malalalim na tubig. Umaagos ang mga ilog sa lahat ng palibot nito kung saan ito nakatanim, sapagkat ang kanilang mga lagusan ay umaabot sa lahat ng mga punongkahoy sa parang. 5 Ang labis na taas nito ay higit sa kahit na anong punongkahoy sa parang, at naging napakarami ang mga sanga nito; humaba ang mga sanga nito dahil sa maraming tubig habang lumalaki ang mga ito. 6 Pinamugaran ng lahat ng ibon sa kalangitan ang mga sanga nito, habang ang lahat ng nabubuhay sa parang ay nagsisilang ng kanilang mga anak sa ilalim ng mga dahon nito. Nakatira ang lahat ng maraming bansa sa ilalim ng lilim nito. 7 Sapagkat ang kagandahan nito ay sa kalakihan at sa haba ng mga sanga nito, sapagkat ang mga ugat nito ay nasa maraming tubig! 8 Hindi ito kayang tumbasan ng mga punong sedar sa halamanan ng Diyos! Wala sa mga punong abeto ang makapapantay sa mga sanga nito, at walang anumang mga punongkahoy ang makatutumbas sa mga sanga nito. Walang punongkahoy sa halamanan ng Diyos ang makatutumbas sa ganda nito! 9 Pinaganda ko ito sa kaniyang maraming mga sanga; at kinaiingitan ito ng lahat ng mga punongkahoy sa Eden na nasa halamanan ng Diyos. 10 Kaya, ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh: Dahil sa napakataas nito, at dahil sa itinaas niya ang dulo ng kaniyang punongkahoy sa itaas ng mga sanga at itinaas niya ang kaniyang puso sa taas na iyon— 11 kaya ibinigay ko siya sa kamay ng mga pinaka-makapangyarihang pinuno ng mga bansa! Kumilos ang pinunong ito laban sa kaniya at pinalayas siya dahil sa kaniyang kasamaan! 12 Pinutol siya ng mga dayuhang kinatatakutan ng lahat ng mga bansa at pagkatapos ay iniwan siya. Ang mga sanga nito ay nagsihulog sa mga bundok at sa mga lambak, at nasira ang mga sanga nito sa lahat ng mga batis sa mundo. At lumabas ang lahat ng mga bansa sa mundo mula sa lilim nito at iniwan siya. 13 At nagpahinga sa mga puno nito ang lahat ng mga ibon sa mga kalangitan, at umupo sa mga sanga nito ang lahat ng mga mababangis na hayop sa parang. 14 Nangyari ito upang walang mga punongkahoy na sagana sa tubig ang lalago nang ganoong kataas, upang hindi nila itaas ang kanilang mga dulo sa itaas ng mga dahon, sapagkat wala ng iba pang punongkahoy na nakainom ng tubig ang muling lalago nang ganoong kataas. Sapagkat ipinasakamay silang lahat sa kamatayan hanggang sa pinakamababang bahagi ng mundo, sa gitna ng mga tao ng sangkatauhan na bumaba sa hukay. 15 Ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh: Sa araw na bumaba siya sa sheol, nagdala ako ng pagtangis sa mundo. Tinakpan ko ang mga malalalim na tubig dahil sa kaniya, at pinigilan ko ang mga tubig sa karagatan. Ipinagkait ko ang mga malalawak na tubig at nagdala ako ng pagtangis sa Lebanon para sa kaniya! Kaya ang lahat ng mga punongkahoy sa parang ay tumangis sa kaniya. 16 Nagdala ako ng panginginig sa mga bansa sa ugong ng kaniyang pagbagsak, nang itinapon ko siya sa sheol kasama ng mga bumaba sa hukay! At napanatag ko ang lahat ng mga punongkahoy ng Eden sa mga pinakamababang bahagi ng mundo! Ito ang mga pinakapili at pinakamagandang punongkahoy ng Lebanon, ang mga puno na nagsiinom ng mga tubig! 17 Sapagkat bumaba din silang kasama niya sa sheol, silang mga pinatay sa pamamagitan ng mga espada! Ito ang mga malalakas niyang braso, ang mga bansa na nanirahan sa kaniyang lilim. 18 Alin sa mga punongkahoy sa Eden ang papantay sa iyong kaluwalhatian at kadakilaan? Sapagkat dadalhin ka pababa kasama ng mga punongkahoy ng Eden sa mga pinakamababang bahagi ng mundo kasama ng mga taong hindi tuli; mamumuhay ka kasama ng mga taong pinatay sa pamamagitan ng espada! Ito ay si Faraon at ang lahat ng kaniyang mga tagapaglingkod! —ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh!"'
Chapter 32
1 At nangyari ito sa unang araw ng ikalabindalawang buwan ng ikalabindalawang taon, na ang salita ni Yahweh ay dumating sa akin at sinabi. 2 "Anak ng tao, managhoy ka tungkol kay Faraon, ang hari ng Egipto; sabihin mo sa kaniya, 'Para kang isang batang leon sa gitna ng mga bansa, parang isang dambuhala sa mga karagatan; pinalalabo mo ang tubig, pinapagalaw mo ang mga tubig sa pamamagitan ng iyong mga paa at pinapaputik mo ang kanilang mga tubig! 3 Ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh: Kaya ilaladlad ko sa iyo ang aking lambat sa kapulungan ng maraming tao, at iaahon ka nila sa aking lambat! 4 Pababayaan kita sa lupain! Ihahagis kita sa isang parang at padadapuin ko sa iyo ang lahat ng mga ibon sa kalangitan; ang pagka-gutom ng lahat ng mga nabubuhay na mga hayop sa lupa ay mabubusog sa iyo. 5 Sapagkat ilalagay ko ang iyong mga laman sa mga kabundukan at pupunuin ko ang mga lambak ng mga inuuod mong bangkay! 6 Pagkatapos ibubuhos ko ang iyong dugo sa mga kabundukan at mapupuno ang mga sapa ng iyong dugo! 7 At kapag patayin ko ang iyong ilawan, tatakpan ko ang kalangitan at padidilimin ko ang mga bituin nito. Tatakpan ko ang araw sa pamamagitan ng mga ulap, at hindi magliliwanag ang buwan! 8 padidilimin ko sa iyo ang lahat ng maningning na liwanag sa kalangitan at ilalagay ko ang kadiliman sa iyong lupain! Ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh. 9 Kaya sisindakin ko ang puso ng maraming tao sa mga lupain na hindi mo nakikilala, kapag dadalhin ko ang iyong pagkabagsak sa mga bansa. 10 Gugulatin ko ang maraming mga tao tungkol sa iyo; ang kanilang mga hari ay mangangatog sa takot tungkol sa iyo kapag aking ikakampay ang aking espada sa kanilang harapan. Bawat sandali, manginginig ang bawat isa dahil sa iyo, sa araw ng iyong pagkabagsak. 11 Sapagkat ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh: Ang espada ng hari ng Babilonia ay darating laban sa iyo! 12 Pababagsakin ko ang iyong mga tagapaglingkod sa pamamagitan ng mga espada ng mga mandirigma—kakila-kilabot sa mga bansa ang bawat mandirigma! Ganap na sisirain ng mga mandirigmang ito ang kaluwalhatian ng Egipto at ang lahat ng mga tao nito! 13 Sapagkat wawasakin ko ang lahat ng mga alagang hayop mula sa tabi ng mga saganang tubig; hindi na kailanman pagagalawin ng paa ng tao ang mga tubig, o kaya pagagalawin ng mga ito sa kuko ng baka! 14 Pagkatapos pakakalmahin ko ang kanilang mga tubig at padadaluyin ko ang kanilang mga ilog na parang langis. Ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh! 15 Kapag gagawin ko ang lupain ng Egipto—ang lupaing puno— isang lugar ng pagkawasak, isang lugar na pinabayaan; kapag sasalakayin ko ang lahat na naninirahan dito, saka nila malalaman na ako si Yahweh! 16 Magkakaroon ng isang panaghoy! Sapagkat mananaghoy sa kaniya ang mga anak na babae ng mga bansa; mananaghoy sila para sa Egipto. Mananaghoy sila para sa lahat ng mga tagapaglingkod nito! Ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh!"' 17 At nangyari ito sa ikalabindalawang taon, sa ikalabinlimang araw ng buwan, na ang salita ni Yahweh ay dumating sa akin at sinabi, 18 "Anak ng tao, tumangis ka para sa mga tagapaglingkod ng Egipto at ihagis mo sila pababa, siya at ang mga anak na babae ng maharlikang mga bansa—sa pinakamababang bahagi ng lupa kasama ang mga bumaba na sa hukay! 19 Tanungin mo sila, 'Talaga bang mas maganda kayo kaysa sa sinuman? Bumaba kayo at humiga kasama ang mga hindi tuli!' 20 Babagsak sila sa gitna ng mga pinatay sa pamamagitan ng espada! Ibinigay ang Egipto sa espada; sasakupin siya ng kaniyang mga kaaway at ang kaniyang mga tagapaglingkod! 21 Ang pinakamalakas na mandirigma sa sheol ay magpapahayag tungkol sa Egipto at sa kaniyang mga kaanib, 'Bumababa na sila rito! Hihiga sila kasama ang mga hindi tuli na namatay sa pamamagitan ng espada!' 22 Naroon ang Asiria kasama ang lahat ng kaniyang kapulungan! Nakapalibot ang kanilang mga libingan sa kaniya; lahat sila ay pinatay sa pamamagitan ng espada. 23 Sa mga libingan na nakatalaga sa pinakamalalim na hukay ay nandoon, kasama ang lahat ng kaniyang kapulungan. Nakapalibot sa kaniyang libingan ang lahat ng pinatay, at bumagsak sa pamamagitan ng espada, Sa mga nagdala ng kakila-kilabot sa lupain ng mga buhay! 24 Naroon si Elam kasama ang lahat ng kaniyang mga tagapaglingkod! Nakapalibot sa kaniya ang kaniyang mga libingan; lahat sila ay pinatay! Sa mga bumagsak sa pamamagitan ng espada, sa mga hindi tuli na bumaba sa pinakamababang bahagi ng lupa, na siyang nagdala ng kanilang kakila-kilabot/matinding takot sa lupain ng buhay at ngayon ay dala-dala nila ang kanilang kahihiyan, sila ay pababa sa hukay!. 25 Naglatag sila ng isang nirolyong/binilot na higaan para kay Elam at lahat niyang mga lingkod sa gitna/kalagitnaan ng mga pinatay; Nakapalibot sa kaniya ang kaniyang mga libingan! Silang lahat ay mga hindi tuli, silang mga pinatay sa pamamagitan ng espada, sila na nagdala ng kanilang mga kakila-kilabot sa lupain ng mga buhay! Kaya dala-dala nila ang kanilang sariling kahihiyan na nasa kanila, kasama ang mga bumababa sa hukay sa gitna ng mga pinatay, iyong mga pababa sa hukay. Si Elam ay nasa gitna ng lahat ng mga pinatay. 26 Sina Mesech, Tubal at ang lahat ng kaniyang mga tagapaglingkod ay naroon! Ang kanilang mga libingan ay nakapalibot sa kanila! Lahat sila ay hindi tuli, na pinatay sa pamamagitan ng espada, dahil dinala nila ang kanilang mga kakila-kilabot sa lupain ng buhay. 27 Hindi ba sila hihiga kasama ng mga bumagsak na mandirigma na hindi tuli na bumaba sa sheol dala-dala ang lahat ng kanilang mga sandata sa pakikipagdigma, at ang kanilang mga espada na nakalagay sa ilalim ng kanilang mga ulo? Ang kanilang mga kalasag ay nakalagay sa ibabaw ng kanilang mga buto. Sapagkat sila ang mga mandirigmang kakila-kilabot sa lupain ng mga buhay! 28 Kaya ikaw, Egipto ay mawawasak sa gitna ng mga hindi tuli! At ikaw ay hihiga kasama ng mga pinatay sa pamamagitan ng espada! 29 Ang Edom ay naroon kasama ang kaniyang mga hari at lahat ng kaniyang mga pinuno. Makapangyarihan sila, ngunit nakahiga sila ngayon kasama ang mga pinatay sa pamamagitan ng espada, kasama ang hindi tuli, sila na bumaba na sa hukay. 30 Ang mga prinsipe ng hilaga ay naroon—silang lahat at lahat ng mga taga-Sidon na bumaba kasama ang mga patay! Makapangyarihan sila at nagagawang takutin ang iba, ngunit ngayon nakahiga sila roon na kahiyahiya, sa mga hindi tuli kasama ang mga pinatay sa pamamagitan ng espada. Dala-dala nila ang kanilang sariling kahihiyan, kasama ang mga iba pang bumababa sa hukay. 31 Makikita ng Faraon at mapapanatag tungkol sa lahat ng kaniyang mga tagapaglingkod na pinatay sa pamamagitan ng espada. Ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh. 32 Pinahintulutan ko siyang gumawa ng kakila-kilabot sa lupain ng buhay, ngunit hihiga siya sa gitna ng mga hindi tuli, kasama ang mga pinatay sa pamamagitan ng espada. Ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh!"
Chapter 33
1 dumating ang salita ni Yahweh sa akin at sinabi, 2 "Anak ng tao, ipahayag mo ito sa iyong mga tao; sabihin mo sa kanila, 'Kapag magdadala ako ng isang espada laban sa anumang lupain, at ang mga tao sa lupaing iyon ay kukuha ng isang lalaki mula sa kanila at gagawin siyang isang tagapagbantay para sa kanila. 3 Titingnan niya kung may paparating na espada sa lupain, at hihipan niya ang kaniyang trumpeta upang bigyan ng babala ang mga tao! 4 Kung marinig ito ng mga tao at hindi nila binigyang pansin, at kung dumating ang espada at pinatay silang lahat, at ang dugo ng bawat isa ay nasa sarili na nitong ulo. 5 Kung sinumang makarinig sa tunog ng trumpeta ngunit hindi niya binigyang pansin, ang kaniyang dugo ay nasa sa kaniya; ngunit kung binigyan niya ng pansin, maililigtas niya ang sariling buhay. 6 Gayunman, kung makita ng tagapagbantay na paparating ang espada, ngunit hindi niya hinipan ang trumpeta, ang kahihinatnan nito ay hindi nabigyang babala ang mga tao, at kung dumating ang espada at kukunin ang buhay ng sinuman, kung gayon, namatay ang taong iyon sa kaniyang sariling kasalanan, ngunit hahanapin ko ang kaniyang dugo mula sa tagapagbantay.' 7 Ngayon ikaw mismo, anak ng tao! Ginawa kitang isang tagapagbantay sa buong sambahayan ng Israel; mapapakinggan mo ang mga salita mula sa aking bibig at balaan mo sila sa halip na ako. 8 Kung sasabihin ko sa isang masamang tao, 'Masamang tao, ikaw ay tiyak na mamamatay!' ngunit kung hindi mo ito ipinahayag para bigyang babala ang masama tungkol sa kaniyang pamamaraan at siyang masama ay mamamatay sa kaniyang kasalanan, ngunit hahanapin ko ang kaniyang dugo mula sa iyong kamay! 9 Ngunit ikaw, kung binalaan mo ang masama tungkol sa kaniyang pamamaraan, para sa ganoon ay matalikuran niya ito, at kung hindi niya tatalikuran ang kaniyang pamamaraan, mamamatay siya sa kaniyang kasalanan, ngunit maliligtas mo ang iyong sariling buhay. 10 Kaya ikaw, anak ng tao, sabihin mo sa sambahayan ng Israel, 'Sinasabi ninyo ito: Ang aming pagsuway at ang aming mga kasalanan ay nasa amin, at nabubulok kami dahil dito! Paano kami mabubuhay?' 11 Sabihin mo sa kanila, 'Buhay ako—ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh--. Hindi ko ikinagagalak ang kamatayan ng masama, sapagkat kung pagsisisihan ng masama ang kaniyang pamamaraan, kung gayon mabubuhay siya! Magsisi kayo! Magsisi kayo mula sa mga masasama ninyong pamamaraan! Sapagkat bakit ninyo kailangang mamatay, sambahayan ng Israel?' 12 At ikaw, anak ng tao, sabihin mo sa iyong mga tao, 'Ang pagkamatuwid ng isang matuwid na tao ay hindi makapagliligtas sa kaniya kung magkakasala siya! At ang kasamaan ng masamang tao ay hindi magdudulot sa kaniya ng kamatayan kung pagsisisihan niya ang kaniyang kasalanan. Sapagkat ang taong matuwid ay hindi mabubuhay dahil sa kaniyang pagkamatuwid kung siya ay magkakasala. 13 Kung sasabihin ko sa matuwid na "Tiyak na mabubuhay siya!" at kung magtitiwala siya sa sarili niyang pagkamatuwid at pagkatapos makagawa siya ng hindi makatarungan, hindi ko na iisipin pa ang anumang kaniyang pagkamatuwid, mamamatay siya sa kasamaan na kaniyang nagawa. 14 At kung sasabihin ko sa masama, "siguradong mamamatay ka!" ngunit kung pagsisisihan niya ang kaniyang mga kasalanan at gagawin kung ano ang makatarungan at tama— 15 kung isasauli niya ang garantiya ng sangla na sapilitang hiningi niya, o kung isasauli niya kung ano ang kaniyang ninakaw, at lalakad sa mga alituntunin ng batas na nagbibigay buhay at hindi na kailanman gagawa ng anumang kasalanan, tiyak na mabubuhay siya at hindi mamamatay. 16 Wala na sa kaniyang mga nagawang kasalanan ang aking iisipin para sa kaniya. Kumilos siya ng makatarungan at makatuwiran, kaya siguradong mabubuhay siya! 17 Ngunit sinasabi ng iyong mga tao, "Hindi patas ang kaparaanan ng Panginoon!" ngunit ang inyong mga kaparaanan ang hindi patas! 18 Kapag tinalikuran ng isang matuwid na tao ang kaniyang pagkamatuwid at gagawa ng kasalanan, kung gayon mamamatay siya dahil dito! 19 At kapag ang masama ay tumalikod sa kaniyang mga kasamaan at gawin ang makatarungan at matuwid, mabubuhay siya dahil sa mga bagay na iyon! 20 Ngunit sinasabi ninyong mga tao, "Hindi patas ang kaparaanan ni Yahweh" Hahatulan ko ang bawat isa sa inyo ayon sa kaniyang kaparaanan, sambahayan ng Israel. 21 Nangyari ito sa ikalabindalawang taon, sa ikalimang araw sa ikasampung buwan ng ating pagkabihag, isang pugante ang dumating sa akin mula sa Jerusalem at sinabi, "Nabihag na ang lungsod!" 22 Nasa akin na ang kamay ni Yahweh sa gabi bago dumating ang pugante, at nabuksan ang aking bibig sa pagkakataon na dumating siya sa akin ng madaling araw. Kaya nabuksan ang aking bibig at nakakapagsalita na ako/hindi na ako pipi! 23 At dumating ang salita ni Yahweh sa akin at sinabi, 24 "Anak ng tao, nagsasalita at nagsasabi ang mga naninirahan sa lugar ng pagkawasak sa lupain ng Israel ay nagsasalita at sinasabi, 'Nag-iisang tao lamang si Abraham, at minana niya ang lupain, ngunit marami tayo! Ang lupain ay ibinigay na sa atin bilang isang ari-arian.' 25 Kaya nga sabihin mo sa kanila, 'Ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh: Kumain kayo ng dugo at ibinaling ninyo ang inyong mga mata sa inyong mga diyus-diyosan at ibinuhos ninyo ang dugo ng mga tao. Dapat ba ninyong ariin ang lupain? 26 Nagtiwala kayo sa inyong mga espada at gumawa ng kasuklam-suklam na mga bagay. Dinudungisan ng bawat lalaki ang asawang babae ng kanilang kapwa. Dapat ba ninyong ariin ang lupain?' 27 Maaari mong sabihin ito sa kanila, 'Ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh: Habang buhay ako, siguradong ang mga nasa wasak na lungsod ay babagsak sa pamamagitan ng espada at ibibigay ko ang mga nasa parang sa mga nilalang na nabubuhay bilang pagkain at sa mga nasa tanggulan at mga kuweba ay mamamatay sa mga salot. 28 At gagawin kong isang malagim at isang katakot-takot ang lupain at matatapos ang pagmamataas nito, At magiging napabayaan ang mga kabundukan ng Israel, at walang sinuman ang dadaan sa mga ito. 29 Kaya malalaman nila na ako si Yahweh, kapag gagawin kong isang malagim ang lupain at katakot-takot dahil sa lahat ng mga kasuklam-suklam na mga bagay na kanilang ginawa. 30 At ikaw, anak ng tao—nagsasabi ang iyong mga tao ng mga bagay tungkol sa iyo sa tabi ng mga pader at sa mga tarangkahan ng mga tahanan, at nagsasabi ang isa—sa bawat lalaki sa kapatid niyang lalaki, 'Pumaroon tayo at makinig sa salita ng propeta na mula kay Yahweh!' 31 Kaya pupunta ang aking mga tao sa iyo gaya ng madalas nilang ginagawa, at uupo sa iyong harapan at makikinig sa iyong mga salita, ngunit hindi nila ito susundin. Nasa kanilang mga bibig ang mga mabubuting salita ngunit sa kanilang mga puso, naghahangad sila ng hindi makatarungang pakinabang. 32 Sapagkat ikaw ay parang isang kaibig-ibig na awitin sa kanila, isang magandang tunog na maayos na tinutugtog sa isang instrumentong may kuwerdas, kaya makikinig sila sa iyong mga salita ngunit wala sa kanila ang susunod nito. 33 Kaya kapag mangyayari ang lahat ng ito—masdan! mangyayari ito! at malalaman nila na may isang propeta na kasama nila."
Chapter 34
1 At ang salita ni Yahweh ay dumating sa akin at sinabi, 2 "Anak ng tao, magpahayag ka laban sa mga pastol ng Israel! Magpahayag ka at sabihin sa kanila, 'Ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh sa mga pastol. Sa Aba ng mga pastol ng Israel na ipinapastol ang kanilang mga sarili! Hindi ba ang mga pastol dapat ang magbabantay sa kawan? 3 Kinakain ninyo ang mga matatabang bahagi at nakadamit kayo ng lana! Kinatay ninyo ang mga pinatabang kawan! Hindi talaga kayo nagpapastol. 4 Hindi ninyo pinalakas ang mga may sakit, at hindi ninyo pinagaling ang mga may karamdaman. Hindi ninyo binendahan ang mga may pilay, at hindi ninyo pinanumbalik ang mga naitaboy o hinanap ang nawawala. Sa halip, pinamunuan ninyo sila sa pamamagitan ng lakas at karahasan. 5 At nangagkalat sila na walang pastol, at sila ay naging pagkain para sa lahat ng mga mababangis na hayop na nabubuhay sa mga parang, pagkatapos na sila ay nangagkalat. 6 Ang aking kawan ay nagkalat sa lahat ng mga kabundukan at sa bawat mataas na burol, at nagkawatak-watak ang mga ito sa ibabaw ng buong mundo. Ngunit wala kahit isa ang naghahanap sa kanila. 7 Kaya nga, mga pastol, pakinggan ang pahayag ni Yahweh: 8 Dahil buhay ako—ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh—dahil ang aking kawan ay tinangay at naging pagkain ng lahat ng mga mababangis na hayop sa mga parang (dahil walang pastol at wala sa aking mga pastol ang humanap sa aking kawan, ngunit binantayan ng mga pastol ang kanilang mga sarili at hindi ang aking kawan ang ipinastol)— 9 Kaya nga, mga pastol, pakinggan ang pahayag ni Yahweh: 10 Ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh, Masdan ninyo! Ako ay laban sa mga pastol, at kukunin ko ang aking kawan mula sa kanilang kamay. At paaalisin ko sila sa pagpapastol ng kawan; Ni maging ang mga pastol ay hindi na magpapastol sa kanilang sarili yamang kukunin ko ang aking kawan mula sa kanilang mga bibig, upang ang aking mga kawan ay hindi na magiging pagkain para sa kanila. 11 Sapagkat ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh: Masdan ninyo! Ako mismo ang hahanap sa aking kawan at ako ang mag-aalaga sa kanila, 12 tulad ng isang pastol na hinahanap ang kaniyang kawan sa araw na siya ay nasa kalagitnaan ng kaniyang nangagkalat na kawan. Ganoon ko hahanapin ang aking kawan, at sasagipin ko sila mula sa lahat ng mga lugar kung saan sila nangagkalat sa araw ng mga kaulapan at kadiliman. 13 At ilalabas ko sila mula sa mga tao; Titipunin ko sila mula sa mga lupain at dadalhin sila sa inyong lupain. Ilalagay ko sila sa mga pastulan sa mga bahagi ng kabundukan ng Israel, sa tabi ng mga bukal, at sa bawat pamayanan sa lupain. 14 Ilalagay ko sila sa magandang mga pastulan; ang mataas na kabundukan ng Israel ang magiging lugar na kanilang panginginainan. Hihiga sila roon sa mga magagandang lugar na panginainan, sa masasaganang mga pastulan, at sila ay manginginain sa mga kabundukan ng Israel. 15 Ako mismo ang magpapastol sa aking kawan, at ako mismo ang magpapahiga sa kanila—ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh— 16 Hahanapin ko ang mga nawawala at panunumbalikin ang mga naitaboy; Bebendahan ko ang napilay na tupa at pagagalingin ang may sakit na tupa. At aking lilipulin ang mga pinataba at malalakas! Magpapastol ako nang may katarungan! 17 At kayo, aking kawan—ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh— masdan ninyo! Ako ang magiging hukom sa mga tupa, sa mga lalaking tupa, at sa mga kambing! 18 Maliit na bagay ba ang maipastol sa magandang pastulan, kaya ninanais rin ninyong tapakan ng inyong mga paa kung ano ang natira sa pastulan? O maliit na bagay ba ang makainom mula sa mga malinaw na tubig, na kailangang gawin ninyong maputik ang mga ilog sa pamamagitan ng inyong mga paa? 19 Ngunit ang aking mga tupa ay ipinapastol ngayon kung saan tinapakan ng inyong mga paa; sila ngayon ay umiinom sa mga tubig na ginawa ninyong maputik gamit ang inyong mga paa! 20 Kaya ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh sa kanila: Masdan ninyo! Ako mismo ang hahatol sa pagitan ng matabang tupa at sa mapapayat, 21 sapagkat tinulak ninyo sila gamit ang inyong mga tagiliran at mga balikat, at sinuwag ninyo ang lahat ng mga mahihina gamit ang inyong mga sungay hanggang sa naikalat ninyo sila palayo mula sa lupain! 22 Kaya ililigtas ko ang aking kawan; hindi na sila maitatangay. At ako ang hahatol sa mga tupa! 23 Hihirang ako ng isang pastol sa kanila, at siya ang magpapastol sa kanila— ang aking lingkod na si David! Siya ang magpapastol sa kanila; siya ang magiging pastol sa kanila! 24 Sapagkat akong si Yahweh ang magiging Diyos nila, at ang aking lingkod na si David ang magiging tagapamuno sa kanilang kalagitnaan— Akong si Yahweh, ang nagpahayag nito! 25 At gagawa ako ng isang tipan ng kapayapaan sa kanila at aalisin ang mga masasama at mababangis na hayop mula sa lupain, kaya ang aking tupa ay mamumuhay ng ligtas sa ilang at matutulog sa mga kagubatan. 26 Magdadala rin ako ng mga pagpapala sa kanila at ang aking nakapalibot na mga burol, sapagkat magpapadala ako ng mga ambon sa takdang panahon. Ito ay mga ambon ng pagpapala! 27 At ang mga punongkahoy sa bukirin ay mamumunga, at ang lupa ang siyang mag-aani sa mga bunga nito. Ang aking tupa ay magiging matiwasay sa kanilang lupain; at malalaman nila na ako si Yahweh, kapag pinutol ko ang mga kabilya ng kanilang pamatok, at kapag sinagip ko sila mula sa kamay ng mga umalipin sa kanila. 28 Hindi na sila madadambong pa ng mga bansa, at hindi na sila lalamunin ng mga mababangis na hayop sa lupa! Sapagkat sila ay mamumuhay nang matiwasay, at hindi na sila matatakot. 29 Sapagkat lilikha ako ng mapayapang lugar na taniman para sa kanila kaya hindi na sila mamamatay sa gutom sa lupain, at hindi na sila lalaitin pa ng mga bansa. 30 At malalaman nila na akong si Yahweh na kanilang Diyos ay kasama nila. Sila ay aking mga tao, ang sambahayan ng Israel— ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh. 31 Sapagkat kayo ay aking tupa, ang kawan ng aking pastulan, at aking mga tao! Ako ang magiging Diyos ninyo---ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh."
Chapter 35
1 At dumating sa akin ang salita ni Yahweh at sinabi, 2 "Anak ng tao, iharap mo ang iyong mukha sa Bundok ng Seir at magpahayag(magpropesiya) ka laban dito. 3 Sabihin mo rito, 'Ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh: Pagmasdan mo! Ako ay laban sa iyo, Bundok ng Seir, at hahampasin kita sa pamamagitan ng aking kamay at gagawin kitang isang mapanglaw at isang katatakutan." 4 Wawasakin ko ang iyong mga lungsod, at ikaw mismo ay magiging mapanglaw; at malalaman mong Ako si Yahweh. 5 Dahil napopoot ka lagi sa mga Israelita, at dahil ibinuhos mo sila sa mga kamay ng espada sa panahon ng kanilang paghihirap, sa panahon na nasa sukdulan sila ng kaparusahan, 6 samakatwid dahil Ako ay buhay, ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh, ihahanda kita para sa pagdanak ng dugo, at hahabulin ka ng pagdanak ng dugo! Yamang hindi mo kinamuhian ang pagdanak ng dugo, susundan ka ng pagdanak ng dugo. 7 Gagawin kong isang mapanglaw ang Bundok ng Seir, isang mapanglaw kapag papatayin ko mula rito ang sinumang dumadaan at muling bumabalik. 8 At pupunuin ko ang mga bundok nito ng mga patay. Ang iyong matataas na mga burol at mga kapatagan, at lahat ng iyong batis, mahuhulog sa mga ito ang mga napatay sa pamamagitan ng espada. 9 Gagawin kitang mapanglaw habang-buhay. Hindi na matitirhan ang iyong mga lungsod, ngunit malalaman mong Ako si Yahweh. 10 Iyong sinabi, "Itong dalawang bansa at itong dalawang lupain ay magiging akin, at aangkinin namin ang mga ito," nang kasama nila si Yahweh. 11 Kaya, dahil ako ay buhay—ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh—Kaya gagawin ko ayon sa iyong galit at ayon sa iyong paninibughong nasa iyong pagkapoot sa Israel, at ipapakilala ko ang aking sarili sa kanila kapag hinatulan na kita. 12 Kaya malalaman mong Ako si Yahweh! Narinig ko lahat ang iyong pang-aalipusta nang magsalita ka laban sa mga kabundukan ng Israel at sinabi, " Sila ay mapanglaw! Ibinigay sila sa atin upang lamunin." 13 Narinig kita nang magmalaki ka laban sa akin sa pamamagitan ng iyong bibig; nagsalita ka ng maraming bagay laban sa akin. Narinig ko ang mga ito. 14 Ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh: Gagawin kitang isang mapanglaw, habang nagagalak ang buong mundo. 15 Kung gaano ka nagalak sa buong mana ng mga Israelita dahil sa pagkawasak nito, ganito rin ang gagawin ko sa iyo. Ikaw ay magiging mapanglaw, Bundok ng Seir, at buong Edom, lahat ng ito! At malalaman nilang Ako si Yahweh!'"
Chapter 36
1 Ngayon, ikaw anak ng tao, magpahayag ka sa mga kabundukan ng Israel at sabihin, 'Mga kabundukan ng Israel, makinig kayo sa salita ni Yahweh! 2 Ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh: Sinabi ng kaaway tungkol sa iyo, "Aha!" at "Ang mga sinaunang matataas na lugar ay naging pag-aari namin." 3 Kaya magpahayag ka at sabihin, ' Ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh: Dahil sa inyong kapanglawan at dahil sa mga pagsalakay na dumating sa inyo mula sa lahat ng dako, kayo ay naging pag-aari ng ibang mga bansa; kayo ay naging paksa ng mga mapanirang-labi at mga dila, at ng kuwentuhan ng mga tao. 4 Kaya nga, mga kabundukan ng Israel, makinig sa salita ng Panginoong Yahweh: Ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh sa mga kabundukan at sa matataas na mga burol, sa mga daanan ng tubig at mga lambak, sa mga walang nakatira at mapanglaw na lugar at sa napabayaang mga lungsod na sinamsam at isang paksa ng panunukso para sa ibang mga bansa na nakapalibot sa kanila— 5 kaya ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh: Ako ay tiyak na nagsasalita sa alab ng aking poot laban sa ibang mga bansa, laban sa Edom at sa lahat ng mga umangkin sa aking lupain bilang pag-aari para sa kanilang mga sarili, laban sa lahat nang may galak sa kanilang mga puso at may panghahamak sa kanilang mga espiritu, habang sinasakop nila ang aking lupain na baka sakaling maangkin nila ang pastulan nito para sa kanilang mga sarili.' 6 Kaya, magpahayag ka sa mga lupain ng Israel at sabihin sa mga kabundukan at sa matataas na mga burol, sa mga daanan ng tubig at sa mga lambak, 'ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh: Pagmasdan ninyo! Sa aking poot at sa aking galit, aking ipinahahayag ito dahil taglay ninyo ang pang-aalipusta ng mga bansa. 7 Kaya, ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh: Ako mismo ang magtataas ng aking kamay upang manumpa na ang mga bansa na nakapalibot sa iyo ay tiyak na dadalhin nila ang sarili nilang kahihiyan. 8 Ngunit kayo, mga kabundukan ng Israel, magpapalago kayo mga sanga at mamumunga para sa aking mga taong Israelita, yamang malapit na silang bumalik sa iyo. 9 Sapagkat masdan ninyo, Ako ay para sa inyo, at pakikitunguhan ko kayo nang may kagandahang-loob; aararuhin kayo at tataniman ng binhi. 10 Kaya magpaparami ako sa inyo mga tao ng kabundukan sa lahat ng sambahayan ng Israel. Lahat! At ang mga lungsod ay titirahan at itatayong muli ang lugar ng pagkasira. 11 Pararamihin ko ang tao at ang mababangis na hayop sa inyo mga kabundukan upang sila ay dumami at maging mabunga. At pananahanan kita gaya nang dati mong kalagayan, at gagawin kitang mas masagana kaysa sa iyong nakalipas, sapagkat malalaman mo na Ako si Yahweh. 12 Magdadala ako ng mga tao, aking taong Israel, upang lumakad sa ibabaw mo. Aangkinin ka nila, at ikaw ang magiging mana nila, hindi ka na magiging dahilan ng pagkamatay ng kanilang mga anak. 13 Ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh: Dahil sinasabi nila sa inyo, "Nilamon ninyo ang mga tao, at ang mga anak ng inyong bansa ay nangamatay," 14 kaya hindi na ninyo muling uubusin ang mga tao, at hindi na ninyo pagdadalamhatiing muli ang inyong bansa sa kanilang kamatayan. Ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh. 15 At hindi ko na hahayaang marinig ninyo ang mga pang-aalipusta ng mga bansa; hindi na ninyo kailangang tiisin pa ang kahihiyan ng mga tao o magdulot sa inyong bansa ng pagbagsak—ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh." 16 At ang salita ni Yahweh ay dumating sa akin at sinabi, 17 "Anak ng tao, kapag ang sambahayan ng Israel ay nanirahan sa kanilang lupain, dinungisan nila ito ng kanilang mga kaparaanan at ng kanilang mga gawa. Ang kanilang mga kaparaanan ay gaya ng maruming regla ng isang babae sa aking harapan. 18 Kaya ibinuhos ko ang aking poot laban sa kanila para sa dugo na pinadanak nila sa lupain at para sa kanilang pagdungis rito sa pamamagitan ng kanilang mga diyus-diyosan. 19 Ikinalat ko sila sa mga bansa; nagkahiwa-hiwalay sila sa mga lupain. Hinatulan ko sila ayon sa kanilang mga kaparaanan at sa kanilang mga gawa. 20 Pagkatapos sila ay pumunta sa mga bansa, at saanman sila pumunta, nilalapastangan nila ang aking banal na pangalan nang sabihin ng mga tao sa kanila, Mga tao ba talaga ito ni Yahweh? Sapagkat itinapon sila palabas sa kaniyang lupain.' 21 Ngunit mayroon akong kahabagan para sa aking banal na pangalan na dinungisan ng sambahayan ng Israel sa ang mga bansa, nang pumunta sila doon. 22 Kaya sabihin sa sambahayan ng Israel, 'Ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh: Hindi ko ito ginagawa para sa inyong kapakanan, sambahayan ng Israel, ngunit para sa aking banal na pangalan, kung saan nilapastangan ninyo sa mga bansa sa lahat ng dako na inyong pinanggalingan. 23 Sapagkat gagawin kong banal ang aking dakilang pangalan, na nilapastangan ninyo sa mga bansa—sa gitna ng mga bansa, ito ay nilapastangan ninyo. At malalaman ng mga bansa na ako si Yahweh— ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh—kapag nakita ninyo na ako ay banal. 24 Kukunin ko kayo mula sa mga bansa at titipunin ko kayo mula sa bawat lupain, at dadalhin ko kayo sa inyong lupain. 25 Pagkatapos ay wiwisikan ko kayo ng dalisay na tubig upang maging dalisay kayo mula sa lahat ng inyong karumihan. At dadalisayin ko kayo mula sa lahat ng inyong mga diyus-diyosan. 26 Bibigyan ko kayo ng isang bagong puso at isang bagong espiritu sa mga kaloob-loobang bahagi ninyo, at aalisin ko ang pusong bato mula sa inyong laman. Sapagkat bibigyan ko kayo ng isang pusong laman. 27 Ilalagay ko ang aking Espiritu sa inyo at palalakarin ko kayo sa aking mga kautusan at inyong iingatan ang aking mga utos, upang magawa ninyo ang mga ito. 28 At titirahan ninyo ang lupain na ibinigay ko sa inyong mga ninuno; kayo ay magiging mga tao ko, at ako ang magiging Diyos ninyo. 29 Sapagkat ililigtas ko kayo mula sa lahat ninyong karumihan. Ipatatawag ko ang butil at pararamihin ito. Hindi na ako maglalagay ng taggutom sa inyo. 30 Pararamihin ko ang bunga ng punongkahoy at ang ani ng bukirin upang hindi na ninyo mararanasan ang kahihiyan ng taggutom sa mga bansa. 31 At maiisip ninyo ang inyong masasamang mga kaparaanan at ang mga gawa ninyong hindi mabuti, at kamumuhian ninyo ang inyong mga sarili dahil sa inyong mga sariling kasalanan at ang kasuklam-suklam ninyong mga gawa. 32 Hindi ko ito ginagawa para sa inyong kapakanan—ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh— dapat ninyo itong malaman. Kaya mahiya kayo at magkaroon ng kahihiyan dahil sa iyong mga kaparaanan, sambahayan ng Israel. 33 Ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh: Sa araw na dadalisayin ko kayo mula sa lahat ng inyong kasamaan, patitirahin ko kayo sa mga lungsod at upang maitayong muli ang mga lugar na nawasak. 34 Sapagkat aararuhin ninyo ang mga nawasak na lupain hanggang ng hindi na ito isang lugar ng pagkawasak sa paningin ng lahat ng nagdaraan. 35 At kanilang sasabihin, "Ang lupaing ito ay napabayaan, ngunit naging gaya ito nang hardin ng Eden; ang pinabayaang mga lungsod at ang mga lugar ng pagkawasak na walang nakatira na hindi nararating ay tinitirhan na ngayon." 36 At malalaman ng ibang mga bansa na nakapalibot sa inyo na ako si Yahweh, na ako ang nagtayo ng mga lugar ng pagkawasak at muling nagtanim sa mga lugar na pinabayaan. Ako si Yahweh. Ipinahayag ko ito at gagawin ko ito. 37 Ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh: Hihilingin muli sa akin ng sambahayang Israel na gawin ito para sa kanila, upang paramihin sila tulad ng isang kawan ng mga tao. 38 Katulad ng mga kawan na itinalaga kay Yahweh, tulad ng mga kawan sa Jerusalem sa kaniyang nakatakdang mga kapistahan, ang pinabayaang mga lungsod ay mapupuno ng mga kawan ng mga tao, at malalaman nila na ako si Yahweh."
Chapter 37
1 Ang kamay ni Yahweh ay dumating sa akin, dinala ako sa gitna ng isang lambak sa pamamagitan ng Espiritu ni Yahweh. Punong-puno ito ng mga buto. 2 At inilibot niya ako sa mga ito. Masdan! Napakarami ng mga ito sa lambak. At masdan! Tuyong-tuyo ang mga ito. 3 Sinabi niya sa akin, "Anak ng tao, mabubuhay pa bang muli ang mga butong ito?" Kaya sinabi ko, "Panginoong Yahweh, ikaw lamang ang nakakaalam!" 4 At sinabi niya sa akin, "Magpahayag ka sa mga butong ito at sabihin mo sa kanila, 'Mga tuyong buto! Makinig kayo sa salita ni Yahweh. 5 Ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh sa mga butong ito: Masdan ninyo! "Magdadala ako ng espiritu sa inyo, at mabubuhay kayo. 6 Maglalagay ako ng mga litid sa inyo at magbibigay ng laman sa inyo. Babalutin ko kayo ng balat at bibigyan ko kayo ng hininga upang kayo ay mabuhay. At malalaman ninyo na ako si Yahweh." 7 Kaya nagpahayag ako gaya ng iniutos sa akin; habang nagpapahayag ako, narito, isang tunog ng pagyanig ang dumating. At ang mga buto ay nagkadikit-dikit—buto sa buto. 8 Tiningnan ko at, masdan, nagkaroon na sila ng mga litid! At nagkaroon na ng laman at binalot ng balat ang mga ito! Ngunit wala pa rin silang mga buhay. 9 At sinabi sa akin ni Yahweh, "Magpahayag ka sa hangin! Magpahayag ka, anak ng tao, at sabihin sa hangin, 'Ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh: Espiritu! Pumunta ka mula sa apat na hangin. At hingahan ang mga patay na ito upang mabuhay silang muli."' 10 Kaya nagpahayag ako gaya ng iniutos sa akin; dumating ang Espiritu sa kanila at sila ay nabuhay! Pagkatapos ay tumayo sila, isang napakalaking hukbo! 11 At sinabi sa akin ng Diyos, "Anak ng tao, ang mga butong ito ay ang buong sambahayan ng Israel. Masdan mo! Sinasabi nila, 'Natuyo na ang aming mga buto, at nawala na ang aming pag-asa. Pinutol kami para sa pagkawasak!' 12 Kaya magpahayag ka at sabihin sa kanila, "Ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh: Pagmasdan ninyo! Aking mga tao! Bubuksan ko ang inyong mga libingan at ilalabas ko kayo mula sa mga ito. At ibabalik ko kayo sa lupain ng Israel! 13 Kaya aking mga tao, malalaman ninyo na ako si Yahweh, kapag binuksan ko ang inyong mga libingan at ilabas kayo sa mga ito. 14 Ilalagay ko ang aking Espiritu sa inyo upang kayo ay mabuhay, at pagpapahingain ko kayo sa inyong lupain kapag nalaman ninyo na ako si Yahweh. Ipinahayag ko at gagawin ko ito—ito ang pahayag ni Yahweh."' 15 At dumating ang salita ni Yahweh sa akin at sinabi, 16 "Ngayon, ikaw na anak ng tao, kumuha ka ng isang patpat at at sulatan ito, 'Para sa Juda at para sa mga Israelita na kasama niya.' At kumuha ka muli ng isa pang patpat at at sulatan ito, "Para kay Jose, ang sanga ng Efraim, at para sa lahat ng mga Israelita namga kasama nila.' 17 At pagsamahin mo ang dalawang ito upang maging isang patpat, upang maging iisa ang mga ito sa iyong kamay. 18 Kapag makipag-usap sa iyo ang iyong mga tao at sasabihin, 'Hindi mo ba sasabihin sa amin kung ano ang ibig sabihin ng mga bagay na ito?' 19 at sabihin mo sa kanila, 'Ito ang sinasabi ni Yahweh: Pagmasdan ninyo! Kukunin ko ang sanga ni Jose na nasa kamay ng Efraim at sa mga tribo ng Israel na mga kasama niya at isasama ko ito sa sanga ng Juda, upang sila ay maging isang sanga, at magiging isa sila sa aking kamay!' 20 At hawakan mo sa iyong kamay ang mga sanga na sinulatan mo sa harapan ng kanilang mga mata. 21 At ipahayag mo sa kanila, 'Ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh: Masdan! Kukunin ko ang Israelita mula sa mga bansa kung saan sila pumunta. Titipunin ko sila mula sa mga nakapalibot na mga lupain. Sapagkat dadalhin ko sila sa kanilang lupain. 22 Gagawin ko silang isang bansa sa lupain, sa mga bundok ng Israel; at magkakaroon ng isang hari na maghahari sa kanilang lahat, at hindi na sila kailanman magiging dalawang bansa; hindi na sila kailanman mahahati sa dalawang kaharian. 23 At hindi na nila kailanman dudungisan ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng kanilang mga diyus-diyosan, sa kanilang mga kasuklam-suklam na mga bagay o anuman sa iba pa nilang mga kasalanan. Sapagkat ililigtas ko sila mula sa lahat ng kanilang mga gawaing walang pananamplataya kung saan sila ay nagkasala, at lilinisin ko sila, upang sila ay maging aking mga tao at ako ang kanilang magiging Diyos. 24 Si David na aking lingkod ang maghahari sa kanila. Kaya magkakaroon ng isang pastol sa kanilang lahat, at lalakad sila ayon sa aking mga utos at tutuparin nila ang aking mga panuntunan at susundin nila ang mga ito. 25 Maninirahan sila sa lupaing ibinigay ko sa lingkod kong si Jacob, kung saan nanatili ang inyong mga ama. Maninirahan sila dito magpakailanman—sila, ang kanilang mga anak, at ang kanilang mga apo, sapagkat ang lingkod kong si David ang kanilang magiging pinuno magpakailanman. 26 Magtatatag ako ng isang tipan ng kapayapaan sa kanila. Magiging walang hanggang kasunduan ito sa kanila. Kukunin at pararamihin ko sila at ilalagay ko ang aking banal na lugar sa kanilang kalagitnaan magpakailanman. 27 Dala-dala nila ang tirahan kung saan ako nananahan; Ako ang kanilang magiging Diyos, at sila ang aking magiging mga tao! 28 At malalaman ng mga bansa na ako si Yahweh, na siyang nagtatalaga sa Israel sa aking sarili, kapag ang aking banal na lugar ay nasa kanilang kalagitnaan magpakailanman!"'
Chapter 38
1 Ang salita ni Yahweh ay dumating sa akin at sinabi, 2 "Anak ng tao, iharap mo ang iyong mukha kay Gog, ang lupain ng Magog, ang pinuno ng Mesech at Tubal; at magpahayag ka laban sa kaniya! 3 Sabihin mo, 'Ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh: Pagmasdan mo! Ako ay laban sa iyo, Gog, ang pinuno ng Mesech at Tubal. 4 Kaya, ihaharap kita at kakawitan sa iyong panga; Ipadadala ko kayo kasama ang lahat ng iyong hukbo, mga kabayo, at mangangabayo, lahat sila ay nakasuot ng buong baluti, isang napakaraming pulutong na may malalaki at maliliit na mga kalasag, lahat sila ay may hawak na mga espada! 5 Ang Persia, ang Cush, at ang Put ay kasama nila, lahat sila ay may mga kalasag at mga helmet! 6 Ang Gomer at ang lahat ng kaniyang mga pangkat, at ang Beth-togarma, mula sa malayong bahagi ng hilaga, at ang lahat ng mga pangkat nito! Marami kang mga kasamang tao! 7 Maghanda ka! Oo, ihanda mo ang iyong sarili at tipunin mo ang iyong mga pangkat na kasama mo, at maging ang kanilang pinuno. 8 Tatawagin ka pagkalipas ng maraming araw, at pagkatapos ng ilang mga taon, pupunta ka sa isang lupain na nakabangon mula sa espada at tinipon mula sa mga maraming tao, tinipon pabalik sa mga bundok ng Israel sa patuloy na pagbagsak. Ngunit ang mga taong naninirahan sa lupain ay ilalabas sa mga tao, at mamumuhay silang lahat nang ligtas! 9 Kaya sasalakay ka na gaya ng pagdating ng isang bagyo; magiging katulad ka ng isang ulap na babalot sa lupain, ikaw at ang lahat ng iyong mga pangkat, lahat ng napakaraming kawal na kasama mo. 10 Ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh: mangyayari ito sa araw na ang mga plano ay mabubuo sa inyong mga puso, at gagamit ka ng masasamang pamamaraan.' 11 At sasabihin mo, 'Pupunta ako sa bukas na lupain; Pupunta ako sa mga taong namumuhay nang tahimik at ligtas, silang lahat na naninirahan kung saan walang mga pader o mga harang, at kung saan ang lungsod ay walang mga tarangkahan. 12 Kukunin ko ang mga nasamsam at nanakawin ko ang mga bagay na kinuha sa pandarambong, upang madala ko ang aking kamay laban sa mga lugar na winasak na ngayon ay tinitirahan, at laban sa mga taong tinipon mula sa mga bansa, mga taong maraming mga hayop at ari-arian, at silang mga nakatira sa gitna ng mundo.' 13 Ang Sheba at Dedan, at ang mga mangangalakal ng Tarsis kasama ang lahat ng kanilang mga batang mandirigma--sasabihin nilang lahat sa iyo, 'Pumunta ka ba dito para kunin ang mga nasamsam? Tinipon mo ba ang iyong hukbo upang nakawin ang mga bagay na kinuha sa pandarambong, upang magbuhat ng pilak at ginto, upang kumuha ng baka at ari-arian, upang kumuha pa ng mas maraming bagay na kinuha sa pagdarambong?' 14 Kaya magpahayag ka, anak ng tao, at sabihin mo kay Gog, 'Ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh: Sa araw na iyon, kapag ang mga tao kong Israelita ay namumuhay nang matiwasay, hindi mo kaya malalaman ang tungkol sa kanila? 15 Pupunta ka mula sa iyong lugar sa dulong hilaga kasama ang napakalaking hukbo, lahat sila ay nakasakay sa mga kabayo, isang napakalaking pulutong, isang malaking hukbo? 16 At sasalakayin mo ang mga tao kong Israelita na gaya ng isang ulap na bumabalot sa lupain. Mangyayari ito sa mga darating na araw, dadalhin ko kayo laban sa aking lupain, upang makilala ako ng mga bansa kapag nakita na ni Gog ang aking kabanalan. 17 Ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh: Hindi ba ikaw ang aking kinausap noong mga nakalipas na araw sa pamamagitan ng kamay ng aking mga lingkod, ang mga propeta ng Israel na nagpahayag sa kanilang sariling kapanahunan sa loob ng maraming taon na dadalhin ko kayo laban sa kanila? 18 Kaya darating ito sa araw na iyon kapag sasalakayin na ni Gog ang lupain ng Israel—ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh—ang matindi kong galit ay lalabas sa mga butas ng aking ilong! 19 Sapagkat inihayag ko ito sa alab ng aking galit at sa nag-aapoy kong poot: tiyak na magkakaroon ng isang napakalakas na lindol sa araw na iyon sa lupain ng Israel. 20 Manginginig sila sa aking harapan—ang isda sa dagat at ang mga ibon sa mga kalangitan, ang mga mababangis na hayop sa mga kaparangan, at ang lahat ng mga gumagapang sa kalupaan, at ang bawat tao na nasa ibabaw ng lupain. Guguho ang mga bundok at babagsak ang mga matatarik na dalisdis, hanggang ang bawat pader ay babagsak sa kalupaan. 21 Sapagkat ipatatawag ko ang isang espada laban sa kaniya sa lahat ng aking mga bundok—ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh—ang bawat espada ng isang tao ay laban sa kaniyang kapatid. 22 At hahatulan ko sila sa pamamagitan ng salot, dugo, napakalakas na mga ulan, at malalaking yelo ng apoy. Pauulanin ko ng asupre sa kaniya at sa kaniyang mga pangkat at sa maraming mga tao na kasama niya. 23 Sapagkat ipapakita ko ang aking kadakilaan at ang aking kabanalan at ipakikilala ko ang aking sarili sa mga mata ng maraming bansa, at malalaman nila na ako si Yahweh!"'
Chapter 39
1 Ngayon, ikaw, anak ng tao, magpahayag ka ng propesiya laban sa Gog at magsabi, 'Ito ang sinabi ng Panginoong Yahweh: Masdan mo! Laban ako sa iyo, Gog na pinuno ng Meshec at Tubal. 2 Palilikuin kita at pangungunahan kita. Iaangat kita mula sa malayong hilaga at dadalhin kita sa mga kabundukan ng Israel. 3 At ilalaglag ko ang iyong pana mula sa iyong kaliwang kamay at ibabagsak ko ang mga palaso mula sa iyong kanang kamay. 4 Mamamatay ka sa mga kabundukan ng Israel, ikaw at ang lahat ng iyong mga hukbo at mga kawal na kasama mo. Ibibigay kita sa mga ibong mandaragit at sa mga mababangis na hayop sa kaparangan upang maging pagkain. 5 Mamamatay ka sa ibabaw ng bukid, sapagkat ako mismo ang nagpahayag nito. Ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh. 6 Pagkatapos, susunugin ko ang Magog at ang mga nabubuhay nang ligtas sa mga baybayin at makikilala nila na ako si Yahweh. 7 Sapagkat ipakikilala ko ang aking banal na pangalan sa kalagitnaan ng aking mga taong Israel at hindi ko na hahayaang lapastanganin ang aking banal na pangalan. Makikilala ng mga bansa na ako si Yahweh, ang Isang Banal ng Israel. 8 Masdan ninyo! Parating na ang araw na ipinahayag ko at magaganap ito. Ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh. 9 Lalabas ang mga naninirahan sa mga lungsod ng Israel at susunugin ang mga sandata, mga maliliit at malalaking kalasag, mga pana, mga palaso, mga pamalo at mga sibat. Susunugin nila sa apoy ang mga ito sa loob ng pitong taon. 10 Hindi sila magtitipon ng mga kahoy mula sa mga bukirin o puputol ng mga punong kahoy sa kagubatan, yamang susunugin nila ang mga sandata. Kukuha sila mula sa mga kumuha mula sa kanila, sasamsamin nila ang mga nagsamsam sa kanila. Ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh. 11 At mangyayari ito sa araw na iyon na gagawa ako ng isang lugar para sa Gog, isang libingan sa Israel, isang lambak para sa mga naglalakbay sa silangan ng dagat. Hahadlangan nito ang mga nagnanais na makatawid. Ililibing nila doon ang Gog kasama ang lahat ng kaniyang napakaraming mga tao. Tatawagin nila itong lambak ng Hamon Gog. 12 Sa loob ng pitong buwan, ililibing sila ng sambahayan ng Israel upang dalisayin ang lupain. 13 Sapagkat ililibing sila ng lahat ng tao sa lupain. Magiging isang hindi makakalimutang araw ito para sa kanila kapag linuwalhati ako. Ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh. 14 Pagkatapos, magtatalaga sila ng ilang mga kalalakihan para sa tungkulin ng pagdaan sa mga lupain upang ilibing ang mga natitira sa balat ng lupa, upang dalisayin ito. Sisimulan nila ang tungkuling ito pagkatapos ng ika-pitong buwan. 15 Habang dumadaan sa lupain ang mga kalalakihang ito, kapag nakakita sila ng anumang buto ng tao, lalagyan nila ito ng palatandaan, hanggang sa dumating ang mga tagapaghukay ng libingan at ilibing ito sa lambak ng Hamon Gog. 16 May lungsod doon na ang pangalan ay Hamonah. Sa ganitong paraan nila dadalisayin ang lupain.' 17 Ngayon sa iyo, anak ng tao, ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh: Sabihin mo sa lahat ng mga ibong may pakpak at sa lahat ng mga mababangis na hayop sa mga bukirin, 'Halikayo at magtipun-tipon! Magtipun-tipon mula sa lahat ng dako patungo sa handog na ako mismo ang gumagawa para sa inyo, isang malaking handog sa mga kabundukan ng Israel upang maaari ninyong kainin ang laman at inumin ang dugo. 18 Kakainin ninyo ang laman ng mga mandirigma at iinumin ninyo ang dugo ng mga prinsipe sa daigdig; magiging mga lalaking tupa sila, mga kordero, mga kambing at mga toro, pinataba silang lahat sa Bashan. 19 At kakain kayo ng taba hanggang sa mabusog kayo; Iinom kayo ng dugo hanggang sa malasing kayo, ito ang magiging alay na aking kakatayin para sa inyo. 20 Mabubusog kayo sa aking hapag ng kabayo, karwahe, mandirigma at sa bawat lalaki sa digmaan. Ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh. 21 At ipapakita ko ang aking kaluwahatian sa mga bansa at makikita ng lahat ng bansa ang paghatol na aking ginawa at ang aking kamay na inihanda ko laban sa kanila. 22 Mula sa araw na iyon, makikilala ng sambahayan ng Israel na ako si Yahweh na kanilang Diyos. 23 At malalaman ng mga bansa na nabihag ang sambahayan ng Israel dahil sa kanilang mabigat na kasalanan kung saan pinagtaksilan nila ako, kaya itinago ko ang aking mukha mula sa kanila at ipinasakamay sila sa kanilang mga kaaway upang mamatay silang lahat sa pamamagitan ng espada. 24 Ginawa ko ito sa kanila ayon sa kanilang mga karumihan at sa kanilang mga kasalanan kapag itinago ko ang aking mukha mula sa kanila. 25 Kaya ito ang sinabi ng Panginoong Yahweh: Ngayon panunumbalikin ko ang mga kayamanan ni Jacob at kahahabagan ko ang buong sambahayan ng Israel, kapag kumilos ako nang masigasig para sa aking banal na pangalan! 26 At makakalimutan nila ang kanilang kahihiyan at ang lahat ng kanilang kataksilan kung saan pinagtaksilan nila ako. Makakalimutan nila ang lahat ng ito kapag mamamahinga sila nang ligtas sa kanilang lupain na walang sinumang makapagbibigay ng takot sa kanila. 27 Kapag pinanumbalik ko sila mula sa mga tao at tinipon sila mula sa mga lupain ng kanilang mga kaaway, ipapakita ko ang aking sarili na banal sa paningin ng maraming bansa. 28 At makikilala nila na ako si Yahweh na kanilang Diyos, sapagkat pinabihag ko sila sa mga bansa, gayunpaman, tinipon ko silang muli pabalik sa kanilang lupain. Wala akong iniwan ni isa man sa kanila sa mga bansa. 29 Hindi ko na itatago ang aking mukha mula sa kanila kapag ibinuhos ko ang aking Espiritu sa sambahayan ng Israel. Ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh.'"
Chapter 40
1 Sa ikadalawampu't limang taon ng ating pagkabihag sa simula ng taon sa ika-sampung araw ng buwan, sa ikalabing-apat na taon matapos mabihag ang lungsod. Sa araw ding iyon, nasa akin ang kamay ni Yahweh at dinala ako roon. 2 Dinala ako ng Diyos sa lupain ng Israel sa pamamagitan ng mga pangitain. Dinala niya ako upang tumuntong sa isang napakataas na bundok; sa timog ay ang mga tulad ng gusali ng isang lungsod. 3 At dinala niya ako roon. Masdan mo, may lumitaw na isang lalaki na tulad ng tanso. May linong panali at isang patpat na panukat sa kaniyang kamay at nakatayo siya sa tarangkahan ng lungsod. 4 Sinabi sa akin ng lalaki, "Anak ng tao, tumingin ka sa pamamagitan ng iyong mga mata at makinig ka sa pamamagitan ng iyong mga tainga at ituon mo ang iyong isipan sa lahat ng inihahayag ko sa iyo sapagkat dinala ka rito upang ihayag ko sa iyo ang mga ito. Ipamalita mo sa sambahayan ng Israel ang lahat ng makikita mo." 5 Mayroong pader sa palibot ng templo at may isang panukat na patpat sa kamay ng lalaki, anim na siko ang haba—ang bawat "mahabang" siko ay katumbas ng isang siko at isang dangkal. Sinukat ng lalaki ang lawak ng pader, isang patpat ang lawak at isang patpat ang taas. 6 At pumunta siya sa tarangkahan ng templo na nakaharap sa silangan at umakyat sa mga baitang nito. Sinukat niya ang pasukan ng tarangkahan, isang patpat ang lalim. 7 Isang patpat ang haba at isang patpat ang lapad ng mga silid ng mga tagapagbantay, limang siko ang pagitan ng dalawang silid ng mga tagapagbantay. At isang patpat ang lalim ng pasukan ng templo patungo sa portiko ng templo. 8 Sinukat niya ang portiko ng tarangkahan, isang patpat ang haba nito. 9 Sinukat niya ang portiko ng tarangkahan, isang patpat ang lalim nito. At dalawang siko ang lawak ng mga haligi ng pinto. Ito ang portiko ng tarangkahan na nakaharap sa templo. 10 Tatlo ang bilang ng mga silid ng mga tagapagbantay sa magkabilang bahagi ng tarangkahan at pareho ang sukat ng mga ito at pareho rin ang sukat ng pader na naghihiwalay sa lahat ng mga ito mula sa isa't isa. 11 At sinukat ng lalaki ang lapad ng pasukan ng tarangkahan—sampung siko at sinukat niya ang haba ng pasukan ng tarangkahan—labintatlong siko. 12 Sinukat niya ang pader na nakapalibot sa harapan ng mga silid, isang siko ang taas. At ang mga silid, anim na siko sa bawat bahagi. 13 Pagkatapos, sinukat niya ang pasukan ng tarangkahan, mula sa bubong ng isang silid hanggang sa kasunod na silid—dalawampu't-limang siko, mula sa pasukan ng unang silid hanggang sa pangalawa. 14 At sinukat niya ang pader na patungo sa pagitan ng mga silid ng tagapagbantay, animnapung siko ang haba. Sinukat niya hanggang sa portiko ng tarangkahan. 15 Limampung siko ang pasukan mula sa harapan ng tarangkahan hanggang sa kabilang dulo ng portiko ng tarangkahan. 16 Mayroong masisikip na bintana sa mga silid at sa mga pader na naghihiwalay sa mga ito, gayundin sa portiko at nasa panloob na bahagi ang lahat ng mga bintana. Mayroong mga nakaukit na puno ng palma sa mga pader. 17 Pagkatapos, dinala ako ng lalaki sa panlabas na patyo ng templo. Masdan mo, mayroong mga silid at mayroong latag na bato sa patyo, may tatlumpung silid kasunod ng latag na bato. 18 Pataas ang latag na bato patungo sa bahagi ng mga tarangkahan at pareho ang lapad nito sa haba ng mga tarangkahan. Ito ang pang-ibabang latag na bato. 19 At sinukat ng lalaki ang layo mula sa harapan ng pang-ibabang tarangkahan hanggang sa harapan ng panloob na tarangkahan; isandaang siko ito sa silangang bahagi at gayundin naman sa hilagang bahagi. 20 At sinukat niya ang haba at lapad ng tarangkahan na nasa hilaga ng panlabas na patyo. 21 Mayroong tatlong silid sa bawat bahagi ng tarangkahan na iyon at pareho ang sukat ng tarangkahan at ng portiko nito sa pangunahing tarangkahan, limampung siko ang kabuuang haba at dalawampu't limang siko ang lapad. 22 Halos katumbas ng nasa tarangkahan na nakaharap sa silangan ang mga bintana nito, portico, mga silid at ang mga puno ng palma nito. Pitong baitang paakyat dito at sa portico nito. 23 May isang tarangkahan patungo sa panloob na patyo sa harap ng tarangkahan na nakaharap sa hilaga gaya rin ng tarangkahan sa silangan. Sinukat ng lalaki mula sa isang tarangkahan hanggang sa isa pang tarangkahan, isandaang siko ang layo. 24 Pagkatapos, dinala ako ng lalaki sa tarangkahan ng timog na pasukan, pareho sa panlabas na tarangkahan ang sukat ng mga pader at ng portico. 25 Mayroong mga masisikip na bintana sa pasukan ng tarangkahan at sa portiko nito gaya ng nasa tarangkahang iyon. Limampung siko ang haba at dalawapu't limang siko ang lapad ng tarangkahan sa timog at ng portiko nito. 26 Mayroong pitong baitang pataas patungo sa tarangkahan at sa portico nito at may mga nakaukit na puno ng palma sa magkabilang bahagi ng mga pader. 27 Mayroong tarangkahan patungo sa panloob na patyo sa bahaging timog at sinukat ng lalaki mula sa tarangkahang iyon hanggang sa tarangkahan ng pasukan sa timog, isandaang siko ang layo. 28 At dinala ako ng lalaki sa panloob na patyo sa pamamagitan ng daanan sa tarangkahan sa timog na pareho ang sukat sa iba pang mga tarangkahan. 29 Pareho ang sukat ng mga silid, mga pader at mga portiko nito sa iba pang mga tarangkahan; mayroong mga bintana sa buong palibot ng portiko. Limampung siko ang haba at dalawampu't limang siko ang lawak ng panloob na tarangkahan at ng portiko nito. 30 May mga portiko rin sa buong palibot ng panloob na pader. Dalawampu't lima ang haba ng mga ito at limang siko ang lawak. 31 Nakaharap sa panlabas na patyo ang portiko na ito na may nakaukit na mga puno ng palma sa mga pader nito at walong baitang patungo sa itaas nito. 32 At dinala ako ng lalaki sa panloob na patyo sa pamamagitan ng silangang daanan at sinukat ang tarangkahan na pareho ang sukat sa iba pang mga tarangkahan. 33 Pareho ang sukat ng mga silid, mga pader at portiko nito sa iba pang mga tarangkahan at mayroong mga bintana sa buong palibot. Limampung siko ang haba at dalawampu't limang siko ang lawak ng panloob na tarangkahan at ng portiko nito. 34 Nakaharap sa panlabas na patyo ang portiko nito. Mayroong mga puno ng palma sa magkabilang bahagi nito at walong baitang patungo sa itaas nito. 35 Pagkatapos, dinala ako ng lalaki sa tarangkahan sa hilaga at sinukat ito, pareho ang sukat nito sa iba pang mga tarangkahan. 36 Pareho ang sukat ng mga silid, mga pader at portiko nito sa iba pang mga tarangkahan at may mga bintana sa buong palibot. Limampung siko ang haba at dalawampu't limang siko ang lawak ng daanan sa tarangkahan at ng portico nito. 37 Nakaharap ang portiko nito sa panlabas na patyo, mayroong mga puno ng palma sa magkabilaang bahagi nito at walong baitang patungo sa itaas nito. 38 May isang silid na may pinto patungo sa bawat panloob na daanan ng tarangkahan. Dito nila nililinis ang mga alay na susunugin. 39 May dalawang hapag sa magkabilang bahagi ng portiko kung saan kinakatay ang alay na susunugin at gayundin ang alay para sa kasalanan at ang alay para sa pagkakasala. 40 May dalawang hapag sa tabi ng pader ng patyo, pataas patungo sa tarangkahan sa hilaga. Mayroon ding dalawang hapag sa kabilang bahagi, sa portico ng tarangkahan. 41 Mayroong apat na hapag sa magkabilang bahagi ng tarangkahan. Kinakatay nila ang mga hayop sa walong hapag. 42 Mayroong apat na hapag na tinapyas na bato para sa mga handog na susunugin, isa at kalahating siko ang haba, isa at kalahating siko ang lawak at isang siko ang taas. Inilatag nila sa mga ito ang mga kagamitan kung saan nila sinusunog ang mga alay na susunugin para sa mga handog. 43 Nakalagay sa palibot ng portiko ang kalawit na may dalawang ngipin na isang dangkal ang haba at ilalagay sa mga hapag ang laman ng mga alay. 44 Malapit sa panloob na tarangkahan, sa panloob na patyo ay mayroong mga silid ng mga mang-aawit. Nasa dakong hilaga ang isa sa mga silid na ito at nasa timog ang isa. 45 At sinabi sa akin ng lalaki, "Para sa mga pari na naglilingkod sa templo ang silid na ito na nakaharap sa timog. 46 At para naman sa mga pari na naglilingkod sa altar ang silid na nakaharap sa hilaga. Ito ang mga anak ni Zadok na lumapit kay Yahweh upang paglingkuran siya; kabilang sila sa mga anak ni Levi." 47 Pagkatapos, sinukat niya ang patyo, isandaang siko ang haba at isandaang siko ang lawak sa isang kuwadrado na may altar sa harapan ng tahanan. 48 At dinala ako ng lalaki sa portiko ng tahanan at sinukat niya ang mga haligi ng pinto, limang siko ang kapal sa magkabilang bahagi. Ang pasukan mismo ay labing-apat na siko ang lawak, at tatlong siko ang lawak ng mga pader sa bawat bahagi nito. 49 Dalawampung siko ang haba at labing-isang siko ang lalim ng portiko ng santuwaryo. May mga baitang patungo sa itaas nito at mga haligi na nakatayo sa magkabilang bahagi nito.
Chapter 41
1 Pagkatapos, dinala ako ng lalaki sa banal na lugar ng templo at sinukat ang mga haligi ng pinto, anim na siko ang lawak sa magkabilang dako. 2 Sampung siko ang lapad ng pintuan, limang siko ang haba ng pader sa bawat bahagi nito. Pagkatapos, sinukat ng lalaki ang banal na lugar, apatnapung siko ang haba at dalawampung siko ang lawak. 3 Pagkatapos, pumunta ang lalaki sa kabanal-banalang lugar at sinukat ang mga haligi ng pintuan, dalawang siko at anim na siko ang lawak ng pintuan. Pitong siko ang lawak ng mga pader sa magkabilang dako. 4 Pagkatapos, sinukat niya ang haba ng silid, dalawampung siko. At ang luwang nito ay dalawampung siko patungo sa harap ng bulwagan ng templo. Pagkatapos, sinabi niya sa akin, "Ito ang kabanal-banalang lugar." 5 Pagkatapos, sinukat ng lalaki ang pader ng tahanan(bahay), anim na siko ang kapal nito. Apat na siko ang lapad ng mga tagilirang silid sa buong palibot ng tahanan(bahay). 6 Mayroong tatlong palapag na mga tagilirang silid, sapagkat may mga silid sa ibabaw ng mga silid, tatlumpu sa bawat palapag. At may mga pasimano sa pader sa palibot ng tahanan(bahay) para sa mga tagilirang silid sa buong palibot upang maging suporta sa mga silid sa itaas, sapagkat walang inilagay na suporta sa pader ng tahanan(bahay). 7 Kaya pinaluwang ang mga tagilirang silid at paikot patungo sa itaas, sapagkat paikot ang tahanan(bahay) na pataas nang pataas sa buong palibot, pinaluwang ang mga silid habang pataas nang pataas ang tahanan(bahay). At papunta sa pinakamataas na palapag ang hagdanan sa pamamagitan ng gitnang palapag. 8 At may nakita akong tuntungan sa buong palibot ng tahanan(bahay), ang pundasyon para sa mga tagilirang silid, may sukat itong buong patpat na anim na siko ang taas. 9 Limang siko ang lapad ng pader ng mga tagilirang silid sa labas. May isang bakanteng lugar sa labas ng mga silid na ito sa santuwaryo. 10 Sa kabilang bahagi ng bakanteng lugar na ito ay ang mga panlabas na tagilirang silid ng mga pari. Ang lugar na ito ay may lawak na dalawampung siko sa buong palibot ng santuwaryo. 11 May mga pinto patungo sa mga tagilirang silid mula sa isa pang bakanteng lugar. Ang isang pintuan ay nasa hilagang bahagi at ang isa ay nasa bahaging timog. Limang siko ang lapad ng bakanteng lugar na ito sa buong palibot. 12 Pitumpung siko ang lawak ng gusali na nakaharap sa patyo sa dakong kanluran. Ang sukat ng pader nito sa buong palibot ay limang siko ang kapal at siyamnapung siko ang haba nito. 13 Pagkatapos, sinukat ng lalaki ang santuwaryo, isandaang siko ang haba. At ang hiwalay na gusali, ang pader nito at ang patyo ay mayroon ding sukat na isandaang siko ang haba. 14 Isandaang siko rin ang lapad ng harapan ng patyo sa harap ng santuwaryo. 15 Pagkatapos, sinukat ng lalaki ang haba ng gusali sa likod ng santuwaryo, patungo sa kanluran nito at ang mga galerya sa magkabilang bahagi ay isandaang siko. Ang banal na lugar at ang portiko, 16 ang panloob na mga pader at ang mga bintana kabilang ang masisikip na mga bintana at ang mga galerya sa buong palibot ng tatlong palapag ay nababalutan lahat ng tabla. 17 Sa itaas ng pasukan patungo sa santuwaryo at ang puwang sa tabi ng lahat ng pader na nakapalibot ay may mga nakaukit na kerubin at mga puno ng palmera, nagsasalitan ang bawat isa. 18 At pinalamutian ito ng kerubin at mga puno ng palmera, may puno ng palmera sa pagitan ng bawat kerubin. At ang bawat kerubin ay may dalawang mukha. 19 Ang mukha ng tao na nakatingin sa puno ng palmera sa isang dako at ang mukha ng isang batang leon na nakatingin sa puno ng palmera sa kabilang dako. Pinalamutian nito ang buong palibot ng tahanan, 20 mula sa ibaba hanggang sa itaas ng pintuan ay mayroong mga palamuting kerubin at mga puno ng palmera sa pader ng templo. 21 Ang mga haligi ng tarangkahan ay parisukat at magkakatulad ang mga ito. 22 Ang kahoy na altar sa harap ng banal na lugar ay tatlong siko ang taas at dalawang siko ang haba sa bawat bahagi. Ang mga panulukang haligi nito, pundasyon at balangkas ay gawa sa kahoy. Pagkatapos, sinabi sa akin ng lalaki, "Ito ang hapag na nakatayo sa harapan ni Yahweh." 23 Mayroong dalawahang pinto para sa banal at kabanal-banalang lugar. 24 May dalawang bisagra ang bawat isang pinto na ito, dalawang bisagra para sa isang pinto at dalawang bisagra para sa isa pa. 25 Iniukit sa mga pinto ng banal na lugar ang kerubin at mga puno ng palmera gaya ng ipinalamuti sa mga pader at mayroong kahoy na bubong sa ibabaw ng portiko sa harap. 26 Mayroong masisikip na mga bintana at mga puno ng palmera sa magkabilang bahagi ng portiko. Ito ang mga tagilirang silid ng tahanan(bahay) at mayroon din itong mga nakausling bubungan.
Chapter 42
1 Pagkatapos, dinala ako ng lalaki palabas patungo sa panlabas na patyo sa dakong hilaga at dinala niya ako sa mga silid sa harap ng panlabas na patyo at sa hilagang panlabas na pader. 2 Sa tapat ng mga silid na iyon ay isandaang siko ang haba at limampung siko ang lawak. 3 Ang ilan sa mga silid na iyon ay nakaharap sa panloob na patyo at dalawampung siko ang layo mula sa santuwaryo. Mayroong tatlong palapag na mga silid, ang mga nasa itaas ay nakatanaw sa mga nasa ibaba at bukas sa mga ito na mayroong daanan. At ang ilan sa mga silid ay nakatanaw sa panlabas na patyo. 4 Sampung siko ang lawak at isandaang siko ang haba ng isang daanan na nasa harapan ng mga silid. Ang mga pinto ng mga silid ay nasa dakong hilaga. 5 Ngunit mas maliit ang mga pang-itaas na bulwagan, sapagkat kinuha ng mga daanan ang mas higit na espasyo nito kaysa sa ibaba at gitnang palapag ng gusali. 6 Sapagkat tatlong palapag ang mga ito at wala itong mga haligi, hindi katulad ng mga patyo na may mga haligi. Kaya ang pang-itaas na palapag ay binawasan ang sukat kaysa sa pang-ibaba at gitnang palapag. 7 At ang mga nasa labas na pader na nasa tabi ng mga silid patungo sa panlabas na patyo, ang patyo na nasa harap ng mga silid. Ang pader na iyon ay limampung siko ang haba. 8 Limampung siko ang haba ng mga silid ng panlabas na patyo at isandaang siko ang haba ng mga silid na nakaharap sa santuwaryo. 9 Mayroong pasukan sa pinakaibabang mga silid mula sa dakong silangan na nagmumula sa panlabas na patyo. 10 Mayroon ding mga silid sa tabi ng pader ng panlabas na patyo sa dakong silangan ng panlabas na patyo, sa harap ng panloob na patyo ng santuwaryo. 11 Ang daanan sa harap ng mga ito ay katulad ng haba at lapad ng nasa harap ng mga silid sa dakong hilaga. Magkapareho rin ang bilang ng mga pasukan ng mga ito. 12 Sa dakong timog ay may mga pinto patungo sa mga silid na katulad ng mga nasa dakong hilaga. Ang daanan sa loob ay may pinto sa ulunan nito at ang daanan ay nakabukas patungo sa iba't ibang mga silid. Sa dakong silangan ay may pintuan sa daanan sa isang dulo. 13 Pagkatapos, sinabi sa akin ng lalaki, "Ang timog at hilagang mga silid na nasa harap ng panlabas na patyo ay mga banal na silid kung saan maaaring kainin ng mga paring nagtatrabaho na pinakamalapit kay Yahweh ang pinakabanal na pagkain. Ilalagay nila doon ang mga pinakabanal na bagay, ang handog na pagkain, ang handog para sa kasalanan at ang alay para sa pagkakasala, sapagkat ito ay banal na lugar. 14 Kapag pumasok doon ang mga pari, hindi sila dapat lumabas sa banal na lugar patungo sa panlabas na patyo nang hindi hinuhubad ang mga pansilbing kasuotan, yamang banal ang mga ito. Kaya dapat silang magsuot ng ibang mga damit bago lumapit sa mga tao." 15 Tinapos ng lalaki ang pagsusukat sa kaloob-looban ng bahay at inilabas ako sa tarangkahan na nakaharap sa silangan at sinukat ang lahat ng nakapalibot na lugar doon. 16 Sinukat niya ang silangang bahagi gamit ang panukat na patpat, limandaang siko gamit ang panukat na patpat. 17 Sinukat niya ang hilagang bahagi, limandaang siko gamit ang panukat na patpat. 18 Sinukat din niya ang katimugang bahagi, limandaang siko gamit ang panukat na patpat. 19 Tumalikod din siya at sinukat ang kanlurang bahagi, limandaang siko gamit ang panukat na patpat. 20 Sinukat niya ito sa apat na panig, ang pader nito at ang lahat na nakapalibot dito ay may haba na limandaang siko at may lapad na limandaang siko upang ihiwalay ang banal at ang hindi banal.
Chapter 43
1 Pagkatapos, dinala ako ng lalaki sa tarangkahan na nakabukas sa silangan. 2 Masdan mo! Dumating mula sa silangan ang kaluwalhatian ng Diyos ng Israel. Ang kaniyang tinig ay tulad ng tunog ng maraming tubig at nagniningning ang lupa dahil sa kaniyang kaluwalhatian! 3 At katulad ito ng pangitaing nakita ko nang dumating siya upang wasakin ang lungsod at katulad ng pangitain na nakita ko sa ilog Kebar at nagpatirapa ako! 4 Kaya dumating ang kaluwalhatian ni Yahweh sa tahanan sa pamamagitan ng tarangkahan na nakabukas sa silangan. 5 Pagkatapos, itinayo ako ng Espiritu at dinala ako sa panloob na patyo. Masdan mo! Pinupuno ng kaluwalhatian ni Yahweh ang tahanan! 6 Nakatayo sa aking tabi ang lalaki at narinig ko na may isa pang kumakausap sa akin na mula sa bahay. 7 Sinabi niya sa akin, "Anak ng tao, ito ang lugar ng aking trono at ang lugar na tuntungan ng aking mga paa, kung saan ako maninirahan magpakailanman sa kalagitnaan ng mga tao ng Israel. Hindi na lalapastanganin ng sambahayan ng Israel ang aking banal na pangalan, sila o ang kanilang mga hari dahil sa kanilang kawalan ng pananampalataya o sa 'mga bangkay' ng kanilang mga hari sa kanilang mga dambana. 8 Hindi na nila lalapastanganin ang aking banal na pangalan sa pamamagitan ng paglalagay ng mga pintuan ng kanilang dambana sa tabi ng aking pintuan at ang mga haligi ng tarangkahan ng kanilang mga dambana sa tabi ng mga haligi ng aking sariling tarangkahan na walang namamagitan sa amin kundi pader. Nilapastangan nila ang banal kong pangalan sa pamamagitan ng kanilang mga kasuklam-suklam na gawain, kaya nilipol ko sila ng aking galit. 9 Ngayon, hayaan silang alisin ang kanilang kawalan ng pananampalataya, ang 'mga bangkay' ng kanilang mga hari sa aking harapan at maninirahan ako sa kanilang kalagitnaan magpakailanman! 10 Anak ng tao, ikaw mismo ang dapat magsabi sa sambahayan ng Israel tungkol sa tahanang ito upang mahiya sila dahil sa kanilang mga kasalanan. Dapat nilang isipin ang tungkol sa paglalarawang ito. 11 Sapagkat kung mahihiya sila dahil sa lahat ng kanilang ginawa, ihayag mo sa kanila ang disenyo ng tahanan, ang mga detalye nito, ang mga labasan nito, ang mga pasukan nito, ang lahat ng detalye nito at ang lahat ng atas at patakaran nito. Pagkatapos, isulat mo ito sa harapan ng kanilang mga mata upang maigatan nila ang lahat ng disenyo at lahat ng patakaran nito upang masunod nila ang mga ito. 12 Ito ang alituntunin para sa tahanan. Mula sa tuktok ng burol patungo sa lahat ng nakapalibot na hangganan dito ay magiging kabanal-banalan. Tingnan mo! Ito ang alituntunin para sa tahanan. 13 Ito ang magiging sukat ng altar sa mahabang siko, ang bawat mahabang siko sa pangkaraniwan ay isang siko at isang kamay ang haba. Kaya ang kanal sa palibot ng altar ay isang siko ang lalim at isang siko din ang lapad. At ang gilid sa palibot ng dulo nito ay isang dangkal. Ito ang magiging tuntungan ng altar. 14 Mula sa kanal sa lupa pataas sa mas mababang pasimano ng altar ay dalawang siko at ang pasimano mismo ay dalawang siko ang lawak. At mula sa maliit na pasimano hanggang sa malaking pasimano ng altar, ito ay apat na siko at ang malaking pasimano ay isang siko ang lawak. 15 Ang sunugan sa altar ng mga sinusunog na alay ay apat na siko ang taas at mayroong apat na sungay na nakaturo sa itaas sa sunugan. 16 Labindalawang siko ang haba ng sunugan at labindalawang siko ang lawak, isang parisukat. 17 Labing apat na siko ang haba ng hangganan nito at labing apat na siko ang lawak ng bawat isa sa apat nitong bahagi at ang gilid nito ay kalahating siko ang lawak. Ang kanal ay isang siko ang lawak sa buong palibot na may mga baitang na nakaharap sa silangan." 18 Pagkatapos, sinabi niya sa akin, "Anak ng tao, sinasabi ito ng Panginoong Yahweh. Ito ang mga alituntunin para sa altar sa araw na gawin nila ito, para sa paghahandog ng mga alay na susunugin dito at para sa pagwiwisik ng dugo dito. 19 Ikaw ay magbibigay ng toro mula sa mga baka bilang alay para sa kasalanan sa mga paring Levita na mga kaapu-apuhan ni Zadok, ang mga lumalapit sa akin upang paglingkuran ako. Ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh. 20 Pagkatapos, ikaw ay kukuha ng kaunting dugo nito at ilalagay ito sa apat na sungay ng altar, sa apat na sulok ng dulo nito at sa gilid sa palibot nito. Lilinisin mo ito at gagawing kabayaran para sa kasalanan. 21 Pagkatapos, kunin mo ang toro para sa alay para sa kasalanan at sunugin mo ito sa inilaang bahagi ng templo sa labas ng santuwaryo. 22 At sa ikalawang araw, ikaw ay mag-aalay ng lalaking kambing na walang kapintasan mula sa mga kambing bilang handog para sa kasalanan. Lilinisin ng mga pari ang altar gaya ng paglilinis nila sa pamamagitan ng toro. 23 Kapag natapos mo ang paglilinis dito, mag-alay ka ng walang kapintasang toro mula sa mga baka at walang kapintasang lalaking tupa mula sa kawan. 24 Ialay mo ang mga ito kay Yahweh, sasabuyan ng mga pari ang mga ito ng asin at itataas nila ang mga ito kay Yahweh bilang alay na susunugin. 25 Ikaw ay dapat maghanda ng lalaking tupa bilang alay para sa kasalanan araw-araw sa loob ng pitong araw at dapat ding maghanda ang mga pari ng walang kapintasang toro mula sa mga baka at walang kapintasang lalaking tupa mula sa kawan. 26 Dapat silang mag-alay para sa altar sa loob ng pitong araw at dalisayin ito at sa ganitong paraan dapat nila itong gawing banal. 27 Dapat nilang buuin ang mga araw na ito, sa ikawalong araw at sa susunod pang araw ay mangyayaring ihahanda ng mga pari ang inyong mga alay na susunugin at ang inyong mga alay para sa kapayapaan sa altar at tatanggapin ko kayo. Ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh."
Chapter 44
1 At dinala ako ng lalaki pabalik sa panlabas na santuwaryong tarangkahan na nakaharap sa silangan, mahigpit itong isinara. 2 Sinabi sa akin ni Yahweh, "Mahigpit na isinara ang tarangkahang ito at hindi ito mabubuksan. Walang taong makakadaan dito, sapagkat dumaan dito si Yahweh na Diyos ng Israel, kaya mahigpit itong isinara. 3 Uupo sa loob nito ang pinuno ng Israel upang kumain sa harapan ni Yahweh. Papasok siya sa pamamagitan ng daan sa tarangkahan ng portiko at lalabas sa daan din na iyon." 4 Pagkatapos, dinala niya ako sa daanang nasa hilagang tarangkahan na nakaharap sa tahanan. Kaya tumingin ako at pinagmasdan, napuno ng kaluwalhatian ni Yahweh ang kaniyang tahanan at nagpatirapa ako! 5 At sinabi sa akin ni Yahweh, "Anak ng tao, ihanda mo ang iyong puso, tumingin ka at makinig sa lahat ng mga ipipapahayag ko sa iyo, sa lahat ng mga batas sa tahanan ni Yahweh at sa lahat ng mga panuntunan nito. Isipin mo ang tungkol sa mga pasukan at mga labasan ng tahanan. 6 At sabihin mo sa mga suwail na sambahayan ng Israel, 'Sinasabi ito ng Panginoong Yahweh: Itigil na ninyo ang inyong mga kasuklam-suklam na gawain, sambahayang Israel— 7 na dinala ninyo ang mga dayuhang hindi tuli ang mga puso at hindi tuli sa laman upang pumunta sa aking santuwaryo at lapastanganin ito— ang aking tahanan! — Habang dinadala ninyo sa akin ang aking tinapay, taba at dugo— sinusuway ninyo ang aking tipan sa pamamagitan ng inyong mga kasuklam-suklam na gawain. 8 Hindi ninyo ginampanang mabuti ang inyong mga tungkulin sa akin. Sa halip, ibinigay ninyo sa iba ang tungkuling pangalagaan ang aking banal na lugar. 9 Sinasabi ito ng Panginoong Yahweh: Walang maaaring pumasok sa aking santuwaryo sa sinuman sa mga dayuhang iyon na nasa kalagitnaan ng mga tao ng Israel na mga hindi tuli sa puso at laman. 10 Ngunit ang mga Levitang lumayo sa akin nang malihis ang Israel, mga taong lumihis sa akin upang sumamba sa kanilang mga diyus-diyosan— ngayon magbabayad sila sa kanilang kasalanan. 11 Mga lingkod sila sa aking santuwaryo, nagbabantay sa mga tarangkahan at naglilingkod sa tahanan. Kinakatay nila ang mga alay na susunugin at mga handog ng mga tao; tumatayo sila sa harapan nila upang paglingkuran sila. 12 Ngunit dahil nagsagawa sila ng mga paghahandog sa harapan ng kanilang mga diyus-diyosan, naging mga katitisuran sila nang kasalanan para sa sambahayan ng Israel. Kaya itataas ko ang aking kamay upang sumumpa nang isang pangako laban sa kanila na magbabayad sila para sa kanilang kasalanan! Ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh. 13 Hindi sila makakalapit sa akin upang kumilos bilang aking mga pari o makakalapit sa anuman sa aking mga banal na bagay, sa mga kabanal-banalang mga bagay! Sa halip, dadalhin nila ang kanilang kahihiyan at ang kanilang mga pagkakasala dahil sa mga kasuklam-suklam na gawaing kanilang ginawa. 14 Ngunit itatalaga ko sila bilang tagapangasiwa ng mga gawain sa tahanan para sa lahat ng mga tungkulin at lahat ng mga ginagawa rito. 15 At ang mga paring Levita na mga anak na lalaki ni Zadok ang tumupad sa mga tungkulin ng aking santuwaryo nang lumilihis sa pagsunod sa akin ang mga Israelita— lalapit sila sa akin upang sambahin ako at tatayo sa aking harapan upang magdala ng taba at dugo sa akin— ito ang pahayag ng Panginoong Yaweh. 16 Pupunta sila sa aking santuwaryo; lalapit sila sa aking mesa upang sambahin ako at upang tuparin ang kanilang mga tungkulin sa akin. 17 Kaya mangyayari na kapag pumasok sila sa mga tarangkahan ng panloob na patyo, kailangan nilang magsuot ng mga linong damit, sapagkat hindi sila dapat pumasok sa loob na nakasuot ng lana sa mga tarangkahan ng panloob na patyo at sa tahanang ito. 18 Kailangang mayroong mga linong turbante sa kanilang mga ulo at linong pamigkis sa kanilang mga balakang. Hindi sila dapat magsuot ng mga damit na nagpapapawis sa kanila. 19 Kapag lumabas sila sa panlabas na patyo upang pumunta sa mga tao, kailangan nilang hubarin ang damit na isinuot nila nang maglingkod sila; dapat nilang hubarin ang mga ito at ilagay sa isang banal na silid, upang hindi nila gawing banal ang ibang mga tao sa pamamagitan ng pagsagi sa kanilang natatanging kasuotan. 20 Hindi rin nila dapat ahitin ang kanilang mga ulo, ni hayaang nakalugay ang kanilang buhok, ngunit dapat nilang gupitin ang kanilang buhok sa kanilang mga ulo. 21 Walang pari ang maaaring uminom ng alak kapag pumunta siya sa panloob na patyo, 22 ni kumuha ng isang balo o isang babaeng hiwalay sa asawa bilang kaniyang asawa, ngunit isang birhen lamang mula sa hanay ng sambahayan ng Israel o isang balo na dating asawa ng isang pari. 23 Sapagkat ituturo nila sa aking mga tao ang pagkakaiba sa pagitan ng banal at hindi banal. Ipapaalam nila sa kanila ang pagkakaiba ng marumi at malinis. 24 Sa isang alitan, mamamagitan sila upang humatol sa pamamagitan ng aking mga atas at dapat silang maging makatarungan. At pananatilihin nila ang aking mga kautusan at ang aking mga batas sa bawat pista at ipagdiriwang nila ang aking mga banal na Araw ng Pamamahinga. 25 Hindi sila dapat pumunta sa isang patay na tao upang maging marumi, maliban lamang kung ama o ina nila ito, anak na lalaki o anak na babae, kapatid na lalaki o kapatid na babae na hindi pa nakisiping sa isang lalaki; dahil kung hindi, magiging marumi sila. 26 Pagkatapos maging marumi ng isang pari, magbibilang ang mga tao ng pitong araw para sa kaniya. 27 Bago ang araw ng pagpunta niya sa banal na lugar, sa panloob na patyo upang maglingkod sa banal na lugar, dapat siyang magdala ng isang handog dahil sa kasalanan para sa kaniyang sarili— Ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh. 28 At ito ang kanilang mana: Ako ang magiging mana nila! Kaya hindi ninyo dapat sila bigyan ng ari-arian sa Israel; Ako ang kanilang ari-arian! 29 Kakainin nila ang mga handog na pagkain, ang mga handog dahil sa kasalanan at ang mga handog dahil sa pagkakasala; magiging pag-aari nila ang lahat ng mga bagay na inilaan kay Yahweh sa Israel. 30 Ang pinakamainam na mga unang bunga ng lahat ng mga bagay at ang bawat ambag, anumang bagay na magmumula sa lahat ng inyong mga ambag ay magiging pag-aari ng mga pari, at ibibigay ninyo ang pinakamainam ninyong handog na pagkain sa mga pari upang manatili ang pagpapala sa inyong tahanan. 31 Hindi kakain ang mga pari ng anumang patay na hayop o hayop na ginutay-gutay ng mabangis na hayop, maging ibon o mabangis na hayop.
Chapter 45
1 Kapag nagpalabunutan kayo upang paghatian ang lupain bilang isang mana, dapat kayong gumawa ng isang handog kay Yahweh. Magiging isang banal na bahagi ng lupain ang handog na ito na dalawampu't limanglibong siko ang haba at sampung libong siko ang lawak. Magiging banal ang lahat ng lugar na nakapalibot dito. 2 Mula dito, magkakaroon ng limang daang siko ang haba at limang daang sikong parisukat ang lawak na nakapalibot sa banal na lugar na may hangganang limampung siko ang lawak. 3 Mula sa lugar na ito, susukat kayo ng isang bahagi na dalawampu't limang libong siko ang haba at sampung libo ang lawak. Magiging isang banal na lugar ito para sa inyo, isang kabanal-banalang lugar. 4 Magiging isang banal na lugar ito sa lupain para sa mga paring naglilingkod kay Yahweh, ang mga lumapit kay Yahweh upang maglingkod sa kaniya. Magiging isang lugar ito para sa kanilang mga tahanan at isang banal na bahagi para sa banal na lugar. 5 Kaya magiging dalawampu't limang libong siko ang haba at sampung libong siko ang lawak nito, at magiging para sa bayan ito ng mga Levitang naglilingkod sa tahanan. 6 Maglalaan kayo ng isang bahagi para sa lungsod na limang libong siko ang lawak at dalawampu't limang libong siko ang haba, iyan ang magiging kasunod sa bahagi na nakalaan para sa banal na lugar. Magiging pag-aari ng buong sambahayan ng Israel ang lungsod na ito. 7 Dapat nasa magkabilang gilid ng lugar na nakalaan para sa banal na lugar at lungsod ang lupain ng mga prinsipe. Nasa dakong kanluran at sa dakong silangan ng mga ito. Tutugma ang haba nito sa haba ng isa sa mga bahaging iyon, mula sa kanluran hanggang sa silangan. 8 Magiging pag-aari ng prinsipe ng Israel ang lupaing ito. Hindi na kailanman aapihin ng aking mga prinsipe ang aking mga tao; sa halip, ibibigay nila ang lupain sa sambahayan ng Israel para sa kanilang mga tribu. 9 Sinasabi ito ng Panginoong Yahweh: Tama na para sa inyong mga prinsipe ng Israel! Alisin na ninyo ang karahasan at pag-aawayan, gawin ang makatarungan at makatuwiran! Itigil na ninyo ang pagpapalayas sa aking mga tao! —Ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh. 10 Dapat magkaroon kayo ng tamang mga timbangan, tamang mga efa at tamang mga bath! 11 Magiging pantay ang dami ng efa at bath upang magiging ikasampu ng isang homer ang isang bath at magiging ikasampu ng isang homer ang efa. Dapat tumugma sa homer ang sukat ng mga ito. 12 Magiging dalawampung gera ang siklo at gagawa ng animnapung siklo ng isang mina para sa iyo. 13 Ito ang ambag na dapat ninyong ibigay: ang ikaanim na bahagi ng isang efa para sa bawat homer ng trigo, at magbibigay kayo ng ikaanim na bahagi ng isang efa para sa bawat homer ng sebada. 14 Ang alituntunin para sa paghahandog ng langis ay magiging ikasampung bahagi ng isang bath para sa bawat kor (na sampung bath) o para sa bawat homer, sapagkat sampung bath din ang isang homer. 15 Gagamitin para sa anumang handog na susunugin o handog pangkapayapaan bilang kabayaran para sa mga tao ang isang tupa o kambing mula sa kawan sa bawat dalawang daang hayop mula sa matubig na mga rehiyon ng Israel—ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh. 16 Ibibigay ng lahat ng mga tao sa lupain ang ambag na ito sa prinsipe sa Israel. 17 Magiging tungkulin ng prinsipe na magbigay ng mga hayop para sa mga alay na susunugin, mga handog na butil, mga handog na inumin sa mga pagdiriwang at ang mga pagdiriwang ng Bagong Buwan, at sa mga Araw ng Pamamahinga—sa lahat ng mga itinakdang pagdiriwang ng sambahayan ng Israel. Magbibigay siya ng mga handog dahil sa kasalanan, mga handog na butil, mga handog na susunugin at mga handog pangkapayapaan para sa kabayaran sa kapakanan ng sambahayan ng Israel. 18 Sinasabi ito ng Panginoong Yahweh: Sa unang buwan, sa unang araw ng unang buwan, kukuha kayo ng isang torong walang kapintasan mula sa kawan at magsagawa ng isang paghahandog dahil sa kasalanan para sa santuwaryo. 19 Kukuha ang pari ng kaunting dugo ng handog dahil sa kasalanan at ilalagay niya ito sa mga haligi ng pintuan ng tahanan at sa apat na sulok ng hangganan ng altar, at sa mga haligi ng pintuan ng tarangkahan sa panloob na patyo. 20 Gagawin ninyo ito sa ikapito ng buwan para sa bawat taong nagkasala ng hindi sinasadya o dahil sa kamangmangan; sa paraang ito, malilinis ninyo ang templo. 21 Sa ikalabing apat na araw ng unang buwan, magkakaroon sa inyo ng isang pagdiriwang, pitong araw na pagdiriwang. Kakain kayo ng tinapay na walang pampaalsa. 22 Sa araw na iyon, maghahanda ang prinsipe ng isang toro bilang handog dahil sa kasalanan, para sa kaniyang sarili at para sa lahat ng tao sa lupain. 23 Para sa pitong araw ng pagdiriwang, maghahanda ang prinsipe ng handog na susunugin para kay Yahweh: pitong toro at pitong walang kapintasang lalaking tupa sa bawat araw para sa pitong araw, at isang lalaking kambing sa bawat araw bilang handog dahil sa kasalanan. 24 Pagkatapos, magsasagawa ang prinsipe ng isang handog na pagkain ng isang efa para sa bawat toro at isang efa para sa bawat lalaking tupa kasama ang isang hin ng langis para sa bawat efa. 25 Sa ika labinlimang araw ng ikapitong buwan, sa pagdiriwang, magsasagawa ang prinsipe ng mga paghahandog sa pitong araw na ito: mga handog dahil sa kasalanan, mga handog na susunugin, handog na pagkain at mga handog na langis.
Chapter 46
1 Sinabi ito ng Panginoong Yahweh: Isasara sa loob ng anim na araw ng pagtatrabaho ang tarangkahan ng panloob na patyo na nakaharap sa silangan, ngunit bubuksan ito sa Araw ng Pamamahinga at sa araw ng Bagong Buwan. 2 Papasok ang prinsipe sa panlabas na patyo sa pamamagitan ng daan sa tarangkahan at sa portiko nito mula sa labas, at tatayo siya sa harapan ng mga haligi ng pintuan ng panloob na tarangkahan habang isinasagawa ng mga pari ang kaniyang handog na susunugin at handog pangkapayapaan. Pagkatapos, sasamba siya sa pasukan ng panloob na tarangkahan at lalabas siya, ngunit hindi isasara ang tarangkahan hanggang gabi. 3 Sasamba rin ang mga tao ng lupain sa harapan ni Yahweh sa pasukan ng tarangkahang ito sa mga Araw ng Pamamahinga at mga Bagong Buwan. 4 Ang handog na susunugin na iaalay ng prinsipe kay Yahweh sa Araw ng Pamamahinga ay anim na walang kapintasang mga kordero at isang walang kapintasang lalaking tupa. 5 Ang handog na butil kasama ng lalaking tupa ay magiging isang efa at ang handog na butil na kasama ng mga kordero ay kung ano lamang ang naisin niyang ibigay at isang hin ng langis sa bawat efa ng butil. 6 Sa araw ng Bagong Buwan, dapat mag-alay kayo ng isang walang kapintasang toro mula sa isang kawan, anim na kordero, at isang walang kapintasang lalaking tupa. 7 Dapat siyang gumawa ng handog na butil ng isang efa sa toro at isang efa sa lalaking tupa, at kung anuman ang naisin niyang ibigay sa mga kordero at isang hin ng langis para sa bawat efa ng butil. 8 Kapag pumasok ang prinsipe sa pamamagitan ng daan sa tarangkahan at sa portiko nito, dapat siyang lumabas sa daanan din na iyon. 9 Ngunit kapag pumunta ang mga tao ng lupain sa harapan ni Yahweh sa mga itinalagang pagdiriwang, ang sinumang papasok sa tarangkahang nasa hilaga upang sumamba ay dapat umalis sa pamamagitan ng tarangkahang nasa timog; at ang sinumang papasok sa tarangkahang nasa timog ay dapat umalis sa pamamagitan ng tarangkahang nasa hilaga. Walang sinuman ang maaaring bumalik sa tarangkahan kung saan siya pumasok sapagkat dapat siyang lumabas nang tuwiran. 10 At dapat nasa kalagitnaan nila ang prinsipe. Kapag pumasok sila, dapat din siyang pumasok at kapag umalis sila, dapat din siyang umalis. 11 At sa mga pagdiriwang, ang handog na butil ay dapat isang efa ng butil para sa toro at isang efa sa lalaking tupa at anumang naisin niyang ibigay sa mga kordero, at isang hin ng langis para sa bawat efa. 12 Kapag nagbigay ang prinsipe ng isang kusang handog, maging isang handog na susunugin man o handog pangkapayapaan kay Yahweh, dapat niyang buksan ang tarangkahang nakaharap sa silangan para dito, at magsagawa ng kaniyang handog na susunugin at ng kaniyang handog pangkapayapaan gaya ng kaniyang ginagawa sa Araw ng Pamamahinga. Pagkatapos, dapat siyang lumabas at isara ang tarangkahan pagkatapos niyang makalabas. 13 Magbibigay rin kayo araw-araw ng isang walang kapintasang kordero na isang taong gulang bilang handog na susunugin para kay Yahweh. Gagawin ninyo ito tuwing umaga. 14 At magbibigay kayo ng isang handog na butil kasama nito tuwing umaga, ikaanim na bahagi ng isang efa at ikatlong hin ng langis upang basain ang harina ng handog na butil para kay Yahweh, ayon sa panuntunang hindi maaaring baguhin. 15 Ihahanda nila ang kordero, ang handog na butil at ang langis tuwing umaga bilang isang permanenteng handog na susunugin. 16 Sinasabi ito ng Panginoong Yahweh: Kung magbibigay man ang prinsipe ng isang kaloob sa sinuman sa kaniyang mga anak na lalaki, ito ay kaniyang mana. Isang mana ito at magiging ari-arian ito ng kaniyang mga anak na lalaki. 17 Ngunit kung magbibigay siya ng isang kaloob sa isa sa kaniyang mga lingkod mula sa kaniyang mana, kung gayon, magiging pag-aari ito ng lingkod hanggang sa taon ng kaniyang kalayaan, at pagkatapos maibabalik ito sa prinsipe. Tiyak na para lamang sa kaniyang mga anak na lalaki ang kaniyang mana. 18 Hindi kukunin ng prinsipe ang mana ng mga tao mula sa kanilang mga sariling ari-arian; dapat siyang magbigay para sa kaniyang mga anak na lalaki mula sa kaniyang sariling ari-arian upang hindi magkahiwalay ang aking mga tao, ang bawat tao mula sa kaniyang sariling ari-arian."' 19 Pagkatapos, dinala ako ng lalaki sa pasukan ng tarangkahang patungo sa mga banal na silid para sa mga pari na nakaharap sa hilaga at pinagmasdan ko! May isang lugar sa gawing kanluran. 20 Sinabi niya sa akin, "Ito ang lugar kung saan dapat pakuluan ng mga pari ang handog sa pagkakasala, ang handog dahil sa kasalanan at kung saan nila dapat lutuin ang handog na butil. Hindi nila dapat ilabas ang mga ito sa panlabas na patyo upang ilaan ang mga tao kay Yahweh." 21 At dinala niya ako sa panlabas na patyo at sinamahan niya akong dumaan sa apat na sulok ng patyong iyon, at nakita ko na sa bawat sulok ng patyo, may iba pang mga patyo. 22 Sa apat na sulok ng panlabas na patyo, may apat na sulok na mga patyo na apatnapung siko ang haba at tatlumpu ang lawak. Magkakapareho ang mga sukat para sa lahat ng apat na sulok ng mga patyo. 23 Mayroong isang hilera sa buong paligid ng apat na ito na gawa sa bato, at nasa ilalim ng hilera ng bato ang mga lutuang sunungan. 24 Sinabi sa akin ng lalaki, "Ito ang mga lugar kung saan pakukuluan ng mga lingkod ng templo ang alay ng mga tao."
Chapter 47
1 At dinala ako ng lalaki pabalik sa pasukan ng templo at masdan ninyo! Umaagos ang tubig mula sa ilalim ng bungad ng tahanan ng templo sa gawing silangan, sapagkat nakaharap sa silangan ang harapan ng templo at umaagos ang tubig sa gawing timog ng templo, sa may kanan ng altar. 2 Kaya dinala niya ako palabas sa hilagang tarangkahan at hinatid sa palibot ng tarangkahan na nakaharap sa silangan. Masdan ninyo, umaagos ang tubig mula sa tarangkahang ito sa gawing timog nito. 3 Habang naglalakad ang lalaki patungong silangan, mayroong isang panukat na lubid sa kaniyang kamay, sumukat siya ng isang libong siko at dinala ako sa tubig na hanggang bukung-bukong ang lalim. 4 At sumukat siyang muli ng isang libong siko at dinala ako sa tubig na hanggang tuhod ang lalim at sumukat siya muli ng isang libong siko at dinala ako sa tubig na hanggang balakang ang lalim. 5 Pagkatapos sumukat pa siya ng isang libong siko ng mas malayo, dito isa na itong ilog na hindi ko kayang tawirin, napakalalim nito. Kailangan lamang itong languyin ng sinuman. 6 Sinabi sa akin ng lalaki: "Anak ng tao, nakikita mo ba ito?" at dinala niya ako palabas at sinamahan ako sa paglalakad pabalik sa tabing-ilog. 7 Habang naglalakad ako pabalik, masdan ninyo, mayroon ng maraming puno sa bahaging ito ng tabing-ilog at pati na rin sa kabilang bahagi. 8 Sinabi ng lalaki sa akin: "Ang tubig na ito ay lalabas sa lupaing sakop ng silangan at bababa sa Araba, dadaloy ang tubig na ito sa Dagat na Maalat at maibabalik ang kasariwaan nito. 9 Nag-uumpukan ang bawat nabubuhay na nilalang kung saan pumupunta ang tubig, magkakaroon ng maraming isda sapagkat dumadaloy roon ang mga tubig na ito. Gagawin nitong sariwa ang tubig alat. Mabubuhay ang lahat kung saan dumadaloy ang ilog. 10 At mangyayari na tatayo sa tabi ng tubig ang mga mangingisda ng En-gedi at magkakaroon ng isang lugar na patuyuan ng mga lambat sa En-eglaim. Magkakaroon ng maraming uri ng isda sa Dagat na Maalat, tulad ng isda sa Malaking Dagat para sa kanilang kasaganaan. 11 Ngunit hindi magiging sariwa ang mga latian at mga ilat ng Dagat na Maalat, ito ang mga magiging tagapagbigay ng asin. 12 Sa tabi ng ilog sa mga pampang nito, sa magkabilang dako, tutubo ang lahat ng uri ng puno na nakakain ang bunga. Hindi malalanta ang mga dahon nito at hindi kailanman titigil sa pamumunga ang mga ito. Mamumunga ang mga puno sa bawat buwan, yamang nanggaling sa Santuwaryo ang tubig ng mga ito. Magiging pagkain ang mga bunga nito at magiging gamot ang mga dahon nito. 13 Ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh: Ito ang magiging paraan ng paghati ninyo sa lupain para sa labin-dalawang tribo ng Israel: Magkakaroon ng dalawang bahagi si Jose. 14 At ikaw, bawat tao at kapatid na lalaki sa inyo ang magmamana nito. Gaya ng pagtaas ko ng aking kamay upang sumumpang ibigay ito sa inyong mga ama, sa parehong paraan na itong lupain ang naging inyong mana. 15 Ito ang magiging hangganan ng lupain sa hilagang bahagi mula sa Malaking Dagat papuntang Hetlon at sa Lebo Hamat hanggang Sedad. 16 At ang hangganan ay aabot sa Berota hanggang Sibraim na nasa pagitan ng Damasco at Hamat, hanggang Haser-hatticon na malapit sa hangganan ng Hauran. 17 Kaya ang hangganan ay aabot mula sa dagat hanggang Hazar-enon sa hangganan ng Damasco at Hamat hanggang sa hilaga. Ito ang magiging hilagang bahagi. 18 Sa silangang bahagi, sa pagitan ng Hauran at Damasco at sa pagitan ng Gilead at sa lupain ng Israel ang magiging Ilog Jordan. Aabot hanggang sa Tamar ang hangganang ito. 19 At ang bahaging timog: sa timog ng Tamar hanggang sa katubigan ng Meriba-kades, ang batis sa Egipto hanggang sa Malaking Dagat at sa katimugang bahagi patungo sa timog. 20 At ang hangganan ng kanluranin ay ang Malaking Dagat hanggang sa kung saan pumupunta ito sa kabila ng Hamat. Ito ang magiging kanluraning bahagi. 21 Sa ganitong paraan ninyo hahatiin ang lupaing ito para sa inyong mga sarili, para sa mga tribo ng Israel. 22 At mangyayari na magpapalabunutan kayo para sa mga mana para sa inyong mga sarili at para sa mga dayuhan na nasa inyong kalagitnaan, ang mga nagsilang ng mga bata sa inyong kalagitnaan at nakasama ninyo, tulad ng mga katutubong naipanganak na mga tao ng Israel. Magpapalabunutan kayo para sa mga mana sa mga tribo ng Israel. 23 At mangyayari na makakasama ng dayuhan ang tribo kung saan siya nakikitira. Dapat ninyo siyang bigyan ng mana. Ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh."
Chapter 48
1 Ito ang mga pangalan ng mga tribo. Ang tribo ng Dan ay makakatanggap ng isang bahagi ng lupain: ang hangganan nito ay aabot sa tabi ng hangganan sa hilaga ng Israel papunta sa Hethlon at Lebo Hamat. Ang hangganan nito ay aabot hanggang sa Hazar-enan at sa mga hangganan ng Damasco hanggang sa hilaga at hanggang sa Hamat. Ang hangganan ng Dan ay aabot mula sa timog hanggang sa Dagat ng Mediteraneo. 2 Isang bahagi ng lupain sa timog ng hangganan ng Dan ang magiging lupain ng Aser na aabot mula sa silangan hanggang sa kanluran. 3 Sa timog ng hangganan ng Aser ay magiging isang bahagi ng Neftali mula sa silangang bahagi hanggang sa kanlurang bahagi. 4 Ang hangganan ng timog ng Neftali ang magiging isang bahagi ng Manases na mula sa silangang bahagi hanggang sa kanlurang bahagi. 5 Sa timog ng hangganan ng Manases mula sa dakong silangang hanggang sa dakong kanluran ang magiging isang bahagi ng Efraim. 6 Sa timog ng hangganan ng Efraim mula sa dakong silangan hanggang sa dakong kanluran ang magiging isang bahagi ng Ruben. 7 Sa tabi ng hangganan ni Ruben mula sa dakong silangan hanggang sa dakong kanluran ang magiging isang bahagi ng Juda. 8 Ang handog na lupain na inyong gagawin ay sa tabi ng hangganan ng Juda at pinalawak mula sa dakong silangan hanggang sa dakong kanluran at magiging dalawampu't-limang libong siko ang lawak. Tumutugma ang haba nito sa isang bahagi ng tribo mula sa dakong silangan hanggang sa dakong kanluran at ang templo ang magiging gitna nito. 9 Itong lupain na ihahandog ninyo kay Yahweh ay dalawampu't-limang libong siko ang haba at sampung libong siko ang luwang. 10 Ito ang mga nakatakda para sa bahaging ito ng banal na lupain: magkakaroon ng lupain ang mga pari na maitatalaga sa kanila na may sukat na dalwampu't-limang libong siko ang luwang sa dakong hilaga, sampung libong siko ang luwang sa dakong kanluran, sampung libong siko ang luwang sa dakong silangan at dalawampu't-limang libong siko ang haba sa dakong timog na nasa gitna nito ang banal na lugar ni Yahweh. 11 Ito dapat ang para sa mga tao na inilaan kay Yahweh: ang mga pari sa lahi ni Zadok na matapat na naglingkod sa akin na hindi naligaw nang naligaw ang mga tao ng Israel, gaya ng ginawa ng mga Levita. 12 Ang handog para sa kanila ay magiging isang bahagi nitong pinakabanal na lupain na palalawakin hanggang sa hangganan ng mga Levita. 13 Ang lupain ng mga Levita sa tabi ng hangganan kasama ang lupain ng mga pari ay magiging dalawampu't-limang libong siko ang haba at sampung libong siko ang lawak. Ang kabuuang haba ng dalawang sukat ng lupain ay magiging dalawampu't-limang libong siko at dalawampung libong siko ang lawak. 14 Hindi nila ito dapat ibenta o ipagpalit, wala sa unang mga bunga ng lupain ng Israel ang dapat maihiwalay mula sa mga sukat nito, sapagkat lahat ng ito ay banal kay Yahweh. 15 Ang natitirang lupain na limang-libong siko ang lawak at dalawampu't limang libong siko ang haba ay para sa karaniwang kagamitan ng lungsod, mga tahanan at ang pastulan. Ang lungsod ang nasa gitna nito. 16 Ito ang magiging mga sukat ng lungsod: ang dakong hilaga ay magiging 4, 500 siko ang haba, ang dakong timog ay magiging 4, 500 siko ang haba, ang dakong silangan ay magiging 4, 500 siko ang haba at ang dakong kanluran ay magiging 4, 500 siko ang haba. 17 Magkakaroon ng pastulan para sa lungsod sa dakong hilaga, na may 250 siko ang lalim, sa timog na may 250 siko ang lalim, sa silangan na may 250 siko ang lalim at sa kanluran na may 250 siko ang lalim. 18 Pahahabain ng sampung libong siko sa silangan at sampung libong siko sa kanluran ang natitirang sukat ng banal na handog. Pahahabain ito sa tabi ng hangganan ng banal na handog at ang bunga nito ang magiging pagkain para sa mga nagtatrabaho sa lungsod. 19 Sasakahin ang lupaing iyon ng mga tao na kabilang sa buong tribo ng Israel, mga tao na siyang nagtatrabaho sa lungsod. 20 Lahat ng handog na lupain ay may sukat na dalawampu't limang libong siko ang haba at dalawampu'tlimang libong siko ang luwang. Sa paraang ito gagawin ninyong isang lupain ang handog na banal, gayun din ang lupaing para sa lungsod. 21 Ang natitirang lupain sa magkabilang bahagi ng banal na handog at ang bahagi ng lungsod ay para sa prinsipe. Ang sukat ng lupain ng prinsipe sa silangan ay aabot ng dalawampu't-limang libong siko mula sa hangganan ng banal na handog hanggang sa silanganing hangganan at ang kaniyang sukat sa kanluran ay palalawakin ng dalawampu't-limang libong siko hanggang sa kanluraning hangganan. Sa gitna nito ay ang banal na handog at ang banal na lugar ng templo. 22 Ang lupain na palalawakin mula sa pag-aari ng mga Levita at ang bahagi ng lungsod sa gitna nito ay para sa prinsipe. Ito ay sa pagitan ng hangganan ng Juda at hangganan ng Benjamin. Para sa prinsipe ang lupaing ito. 23 Para sa mga natitirang tribo, aabot ang kanilang mga bahagi mula dakong silangan hanggang sa dakong kanluran. Makakatanggap ang Benjamin ng isang bahagi. 24 Sa timog ng hangganan ng Benjamin na aabot mula sa dakong silangan hanggang sa kanluran ang magiging isang bahaging lupain ng Simeon. 25 Sa timog ng hangganan ng Simeon na aabot sa dakong silangan hanggang sa kanluran ang magiging isang bahagi ng lupain ng Issachar. 26 Sa timog ng hangganan ng Issachar na aabot mula sa dakong silangan hanggang sa dakong kanluran ang magiging isang bahagi ng lupain ng Zebulun. 27 Sa timog ng hangganan ng Zebulun na aabot mula sa dakong silangan hanggang sa kanluran ang magiging isang bahagi ng lupain ng Gad. 28 Ang katimugang hangganan ng Gad ay aabot mula sa Tamar hanggang sa mga katubigan ng Meribat-cadesh at mas malayo sa batis ng Egipto at sa Malaking Dagat. 29 Magpapalabunutan kayo para sa lupaing ito at ito ang magiging mana ng mga tribo ng Israel. Ito ang kanilang mga magiging bahagi. Ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh. 30 Ito ang magiging mga labasan mula sa lungsod: sa gawing hilaga na may sukat na 4, 500 siko ang haba 31 ang tatlong tarangkahan na nakapangalan sa mga tribo ng Israel: isang tarangkahan para kay Ruben, isang tarangkahan para kay Juda at isang tarangkahan para kay Levi. 32 May tatlong tarangkahan sa gawing silangan na may sukat na 4, 500 siko ang haba: isang tarangkahan para kay Jose, isang tarangkahan para kay Benjamin at isang tarangkahan para kay Dan. 33 May tatlong tarangkahan sa gawing silangan na may sukat na 4, 500 siko ang haba: isang tarangkahan para kay Simeon, isang tarangkahan para kay Issachar at isang tarangkahan para kay Zebulon. 34 May tatlong tarangkahan sa gawing kanluran na may sukat na 4, 500 siko ang haba: isang tarangkahan para kay Gad, isang tarangkahan para kay Asher at isang tarangkahan para kay Nephtali. 35 Ang lawak ng palibot ng lungsod ay labing-walong libong siko at mula sa araw na iyon, ang magiging pangalan ng lungsod ay "Naroon si Yahweh."