Tagalog: Tagalog Unlocked Literal Bible

Updated ? hours ago # views See on DCS Draft Material

Mga taga-Efeso

Chapter 1

1 Ako si Pablo na Apostol ni Cristo ayon sa kalooban ng Diyos, para sa mga binukod sa Diyos na mga nasa Efeso at mga tapat kay Cristo Jesus. 2 Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaan mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo. 3 Mapapurihan nawa ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Pinagpala niya tayo ng bawat pagpapalang espirituwal kay Cristo sa kalangitan. 4 Bago likhain ang sanlibutan, pinili na tayo ng Diyos na mga mananampalataya kay Cristo. Pinili niya tayo upang tayo ay maging banal at walang kapintasan sa kaniyang paningin. 5 Dahil sa pag-ibig itinalaga tayo ng Diyos upang ampunin bilang kaniyang sariling mga anak sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Ginawa niya ito sapagkat nasiyahan siyang gawin ang kaniyang nais. 6 Ang naging resulta ay napapurihan ang Diyos sa kaniyang kamangha-manghang biyaya. Kusang loob niya itong ibinigay sa atin sa pamamagitan ng kaniyang pinakamamahal na anak. 7 Sapagkat sa kaniyang pinakamamahal na anak, nagkaroon tayo ng katubusan sa pamamagitan ng kaniyang dugo, ang kapatawaran ng mga kasalanan. Nagkaroon tayo nito dahil sa yaman ng kaniyang biyaya. 8 Ginawa niyang masagana ang kaniyang biyaya para sa atin nang buong karunungan at kaalamann. 9 Ipinaalam sa atin ng Diyos ang hiwaga ng kaniyang kalooban, ayon sa kaniyang nais na kaniyang ipinakita kay Cristo. 10 Kapag naganap na ang panahon para sa kaniyang kalooban, sama-samang dadalhin ng Diyos ang lahat ng mga bagay sa langit at sa lupa kay Cristo. 11 Pinili tayo kay Cristo at napagpasyahan noon pa man. Ito ay ayon sa kalooban ng gumawa ng lahat ng bagay sa pamamagitan ng layunin ng kaniyang kalooban. 12 Ginawa ito ng Diyos upang tayo ay mamuhay sa pagpuri ng kaniyang kaluwalhatian. Tayo ang nauna na nagkaroon ng tiwala kay Cristo. 13 Dahil kay Cristo kaya napakinggan din ninyo ang salita ng katotohanan, ang ebanghelyo ng inyong kaligtasan sa pamamagitan ni Cristo. Dahil sa kaniya kayo rin ay nanampalataya at tinatakan sa pinangakong Banal na Espiritu. 14 Ang Espiritu ang katibayan ng ating pamana hanggang sa makamtan ang pangako. Para ito sa ikapupuri ng kaniyang kaluwalhatian. 15 Dahil dito, mula noong panahon na napakinggan ko ang tungkol sa inyong pananampalataya sa Panginoong Jesus at tungkol sa inyong pag-ibig sa mga binukod para sa kaniya, 16 Hindi ako tumigil sa pagpapasalamat sa Diyos tungkol sa inyo at pagbanggit sa inyo sa aking mga panalangin. 17 Ipinapanalangin ko na ang Diyos ng ating Panginoong Jesu-Cristo, ang Ama ng kaluwalhatian, ay magbigay sa inyo ng espiritu ng karunungan at kapahayagan ng kaniyang kaalaman. 18 Ipinapanalangin ko na ang mga mata ng inyong puso ay maliwanagan upang malaman ninyo kung ano ang inaasahan ng ating pagkakatawag. Ipinapanalangin ko na malaman ninyo ang yaman ng kaluwalhatian ng kaniyang pamana sa kanila na binukod para sa kaniya. 19 Ipinapanalangin ko na malaman ninyo ang hindi masukat na kadakilaan ng kaniyang kapangyarihan sa atin na mga nanampalataya. Ang kadakilaang ito ay ayon sa pagkilos sa kalakasan ng kaniyang kapangyarihan. 20 Ito ang kapangyarihan na kumilos kay Cristo noong siya ay binuhay ng Diyos mula sa mga patay at pinaupo siya sa kaniyang kanang kamay sa kalangitan. 21 Pinaupo niya si Cristo na pinakamataas sa lahat ng kapamahalaan, kapangyarihan, pamunuan, at bawat pangalan na pinangalanan. Pinaupo niya si Cristo hindi lamang sa panahong ito, kundi maging sa panahong darating. 22 Pinailalim ng Dios ang lahat sa paanan ni Cristo. Ginawa niya siyang ulo sa lahat ng nasa iglesia. 23 Ang iglesiya ay ang kaniyang katawan, ang kapuspusan niya na pumupuno sa lahat ng mga bagay sa lahat ng mga kaparaanan.

Chapter 2

1 Para sa inyo, kayo ay mga patay sa inyong mga pagkakasala at mga kasalanan. 2 Sa ganito rin kayo minsang lumakad ayon sa panahon ng mundong ito. Lumalakad kayo ayon sa kapangyarihan ng namumuno sa hangin. Ito ang kaniyang espiritu na gumagawa sa mga anak ng pagsuway. 3 Tayong lahat ay minsan ding naging katulad ng mga hindi mananampalataya. Gumagawa tayo ayon sa mga masasamang nasa ng ating laman. Ginagawa natin ang kagustuhan ng laman at ng isip. Likas tayong mga anak ng poot katulad ng iba. 4 Ngunit sagana ang Diyos sa habag dahil sa kaniyang dakilang pagmamahal kung saan minahal niya tayo. 5 Habang tayo ay patay sa pagkakasala, dinala niya tayo sa bagong buhay kay Cristo. Naligtas tayo sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos. 6 Magkakasama tayong binuhay ng Diyos at magkakasama tayong pinaupo ni Cristo Jesus sa kalangitan. 7 Ginawa niya ito upang sa darating na panahon, maipakita niya sa atin ang kaniyang dakila at masaganang biyaya. Ipinakita niya ito sa atin sa pamamagitan ng kaniyang kabutihan kay Cristo Jesus. 8 Sapagkat sa biyaya kayo ay naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya. At hindi ito nagmula sa amin, kaloob ito ng Diyos. 9 Hindi ito dahil sa mga gawa. Bilang resulta, walang sinuman ang maaaring magmalaki. 10 Sapagkat tayo ay ginawa ng Diyos, nilikha kay Cristo Jesus upang gumawa ng mga mabubuting gawa. Ito ang mga gawa na matagal ng binalak ng Diyos para sa atin, upang makalakad tayo sa mga ito. 11 Kaya tandaan ninyo na minsan kayo ay naging mga Gentil sa laman. Tinawag kayong "di tuli" sa tinatawag na pagtutuli sa laman na ginawa sa pamamagitan ng kamay ng mga tao. 12 Sapagkat hiwalay kayo kay Cristo sa panahong iyon. Kayo ay mga dayuhan sa mga taga-Israel. Hindi kayo kilala sa tipan ng pangako. Wala kayong katiyakan tungkol sa hinaharap. Wala kayong Diyos sa mundo. 13 Ngunit ngayon kay Cristo Jesus, kayong minsan na napalayo mula sa Diyos ay nailapit sa Diyos sa pamamagitan ng dugo ni Cristo. 14 Sapagkat siya ang ating kapayapaan. Ginawa niyang isa ang dalawa. Sa pamamagitan ng kaniyang laman sinira niya ang pader ng pagkakabaha-bahagi na humati sa atin, ang poot. 15 Binuwag niya ang mga batas ng kautusan at mga alituntunin upang maaari siyang makalikha sa kaniyang sarili ng isang bagong tao. Gumawa siya ng kapayapaan. 16 Ginawa niya ito upang ipagkasundo ang dalawa sa iisang katawan sa Diyos sa pamamagitan ng krus. Sa krus inilagay niya sa kamatayan ang poot. 17 Dumating si Jesus at nagpahayag ng kapayapaan sa inyo na mga nasa malayo at kapayapaan sa mga nasa malapit. 18 Sapagkat sa pamamagitan ni Jesus mayroon tayo parehong daan sa iisang Espiritu patungo sa Ama. 19 Kaya ngayon kayong mga Gentil hindi na kayo mga dayuhan at hindi kilala. Sa halip kayo ay mga kapwa mamamayan kasama ng mga pinili para sa Diyos at mga kasapi ng sambahayan ng Diyos. 20 Itinayo kayo sa pundasyon ng mga apostol at mga propeta. Si Cristo Jesus ang batong panulukan. 21 Sa kaniya nagkakaugnay-ugnay ang buong gusali at lumalago bilang isang templo sa Panginoon. 22 Dahil sa kaniya kaya kayo din ay magkakasamang itinayo bilang isang tahanan para sa Diyos sa Espiritu.

Chapter 3

1 Dahil dito, akong si Pablo ay bilanggo ni Cristo Jesus alang-alang sa inyo mga Gentil. 2 Marahil narinig na ninyo ang gawain tungkol sa biyaya ng Diyos na binigay niya sa akin para sa inyo. 3 Nagsusulat ako ayon sa pahayag na ipinaalam sa akin. Ito ang nakatagong katotohanan na sinulat ko ng bahagya sa isa ko pang sulat. 4 Kung mababasa ninyo ang tungkol dito, maiintindihan ninyo ang aking pagkaunawa sa nakatagong katotohanan patungkol kay Cristo. 5 Sa ibang mga salinlahi hindi ipinaalam ang katotohanang ito sa sangkatauhan. Ngunit ngayon ipinahayag ito ng Espiritu sa kaniyang mga banal na mga apostol at propeta. 6 Ang nakatagong katotohanang ito ay ang mga Gentil ay kabahagi at kaanib ng katawan. Kabahagi sila sa pangako kay Cristo Jesus sa pamamagitan ng ebanghelyo. 7 Dahil dito naging lingkod ako sa pamamagitan ng biyayang kaloob ng Diyos na ibinigay sa akin sa pamamagitan ng pagkilos ng kaniyang kapangyarihan. 8 Ibinigay ng Diyos ang kaloob na ito sa akin, kahit na ako ang pinakahamak sa mga pinili ng Diyos. Ang kaloob na ito ay dapat kong ipahayag sa mga Gentil ang ebanghelyo ng hindi masukat na kayamanan ni Cristo. 9 Kailangan kong paliwanagan ang lahat ng mga tao patungkol sa lihim na plano ng Diyos. Ito ang plano na nilihim ng Diyos na lumikha ng lahat ng bagay noong una pang panahon. 10 Ito ay upang sa pamamagitan ng iglesia, ang mga tagapamuno at mga may kapangyarihan sa kalangitan ay malaman ang maraming panig ng katangian ng karunungan ng Diyos. 11 Mangyayari ito ayon sa walang hanggang plano na tinupad niya kay Cristo Jesus na ating Panginoon. 12 Sapagkat dahil kay Cristo mayroon tayong lakas ng loob at kakayahang makalapit sa kaniya nang may tiwala dahil sa ating pananampalataya sa kanya. 13 Kaya hinihingi ko sa inyo na huwag kayong panghinaan ng loob dahil sa aking mga pagdurusa para sa inyo. Ito ang inyong karangalan. 14 Dahil dito lumuluhod ako sa Ama, 15 kung saan nagmula ang bawat pamilya sa langit at sa lupa. 16 Ipinapanalangin ko na pagkalooban kayo ayon sa kayamanan ng kaniyang kaluwalhatian, na mapalakas kayo ng kapangyarihan sa pamamagitan ng kaniyang Espiritu na nasa inyo. 17 Ipinapanalangin ko na manahan si Cristo sa mga puso ninyo sa pamamagitan ng pananampalataya. Ipinapanalangin ko na mag-ugat at maging matatag kayo sa kaniyang pag-ibig. 18 Nawa nasa pag-ibig niya kayo upang maunawaan ninyo, kasama ng lahat ng nananampalataya, kung gaano kalawak, kahaba, kataas at kalalim ang pag-ibig ni Cristo. 19 Ipinapanalangin ko na malaman niyo kung gaano kalaki ang pag-ibig ni Cristo na higit sa kaalaman. Nawa gawin ninyo ito upang mapuno kayo ng kapuspusan ng Diyos. 20 Ngayon sa kaniya na kayang gumawa ng lahat, higit pa sa lahat ng ating hinihingi o iniisip, ayon sa kaniyang kapangyarihan na kumikilos sa atin, 21 sa kaniya ang kaluwalhatian sa iglesia at kay Cristo Jesus sa lahat ng mga salinlahi magpakailan man. Amen.

Chapter 4

1 Kaya, bilang bilanggo sa Panginoon, nakikiusap ako sa inyo na lumakad kayo ng karapat-dapat sa pagkatawag sa inyo ng Diyos. 2 Mamuhay kayo nang may buong pagpapakumbaba at pagkamahinahon at katiyagaan. Tanggapin ninyo nang may pagmamahal ang bawat isa. 3 Pagsikapan ninyong manatili ang pagkakaisa sa Espiritu sa bigkis ng kapayapaan. 4 May iisang katawan at iisang Espiritu, katulad din nang pagtawag sa inyo sa iisang pananalig na inaasahan ng iyong pagkatawag. 5 At may iisang Panginoon, iisang pananampalataya, iisang bautismo, 6 at iisang Diyos at Ama ng lahat. Siya ay higit sa lahat at kumikilos sa lahat at nananatili sa lahat. 7 Binigyan ang bawat-isa sa atin ng kaloob ayon sa sukat ng kaloob ni Cristo. 8 Katulad ng sinabi sa kasulatan: "Noong umakyat siya sa itaas, dinala niya ang mga bihag sa pagkabihag. Nagbigay siya ng mga kaloob sa mga tao." 9 Ano ang kahulugan ng "Umakyat siya," maliban nalang kung bumaba rin siya sa kailaliman ng mundo? 10 Siya na bumaba ay siya ring umakyat sa ibabaw ng buong kalangitan. Ginawa niya ito upang maaari niyang punuin ang lahat ng mga bagay. 11 Nagbigay si Cristo ng mga kaloob katulad ng mga ito: pagka- apostol, pagka-propeta, pagka-ebanghelista, pagka-pastor at pagka-guro. 12 Ginawa niya ito upang ihanda ang mga mananampalataya sa paglilingkod at sa ikatitibay ng katawan ni Cristo. Ginagawa niya ito hanggang sa maabot natin ang pagkakaisa sa pananampalataya at kaalaman sa Anak ng Diyos. 13 Ginagawa niya ito hanggang sa maging ganap tayo na katulad ni Cristo. 14 Upang hindi na tayo maging tulad ng mga bata. Upang hindi na tayo maligaw. Upang hindi na tayo madala palayo sa bawat hangin ng katuruan, sa pandaraya ng mga tao sa pamamagitan ng matalas na pag-iisip ng kamalian at panlilinlang. 15 Sa halip, sabihin natin ang katotohanan na may pag-ibig at lumago sa lahat ng paraan sa kaniya na ulo, si Cristo. 16 Pinag-ugnay ni Cristo ang buong katawan ng mananampalataya. Hinahawakan ito sa pamamagitan ng umaalalay na litid upang ang buong katawan ay lumago at tumibay sa pag-ibig. 17 Kaya, sinasabi ko ito, at pinapayuhan ko kayo sa Panginoon: huwag na kayong lumakad na katulad ng mga Gentil na lumalakad sa karumihan ng kanilang mga isipan. 18 Masama ang kanilang pag-iisip. Napalayo sila sa buhay na nasa Diyos dahil sa kamangmangan na nasa kanila dahil sa pagmamatigas ng kanilang mga puso. 19 Hindi sila nakakaramdam ng kahihiyan. Ibinigay nila ang kanilang mga sarili sa kahalayan sa malalaswang mga gawa, sa lahat ng uri ng kalabisan. 20 Ngunit hindi ganito ang natutunan ninyo patungkol kay Cristo. 21 Iniisip kong narinig na ninyo ang patungkol sa kaniya. Iniisip kong naturuan na kayo patungkol sa kaniya, dahil na kay Jesus ang katotohanan. 22 Dapat ninyong hubarin ang naaayon sa dati ninyong gawain, ang dating pagkatao. Ito ay ang dating pagkatao na nabubulok dahil sa mapanlinlang na pagnanasa. 23 Hubarin ninyo ang dating pagkatao upang mabago ang espiritu ng inyong pag-iisip. 24 Gawin ninyo ito upang maisuot ninyo ang bagong pagkatao, na naaayon sa Diyos. Nilikha ito sa katuwiran at kabanalan ng katotohanan. 25 Kaya nga alisin ninyo ang kasinungalingan. "Magsalita ng katotohanan, ang bawat isa sa kaniyang kapwa," sapagkat kabahagi tayo ng bawat isa. 26 "Magalit kayo, ngunit huwag kayong magkasala." Huwag ninyong hayaan na lumubog ang araw sa inyong galit. 27 Huwag mong bigyan ng pagkakataon ang diyablo. 28 Sino man ang nagnanakaw ay hindi na dapat magnakaw. Sa halip, kailangan niyang magpagal. Kailangan niyang magtrabaho gamit ang kaniyang mga kamay, upang makatulong sa tao na nangangailangan. 29 Dapat walang lalabas na masamang salita sa inyong bibig. Sa halip, dapat mga salitang may pakinabang ang lalabas sa inyong bibig, upang magbigay ng pakinabang sa mga nakikinig. 30 At huwag ninyong bigyan ng kalungkutan ang Banal na Espiritu ng Diyos. Dahil sa kaniya kayo ay tinatakan para sa araw ng katubusan. 31 Dapat ninyong alisin ang lahat ng sama ng loob, poot, galit, pagtatalo, at pang-iinsulto, kasama ang lahat ng uri ng kasamaan. 32 Maging mabuti sa isa't-isa. Maging mahabagin. Patawarin ang isa't-isa, katulad ng pagpapatawad sa inyo ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo.

Chapter 5

1 Kaya tularan ninyo ang Diyos, bilang kaniyang mga minamahal na anak. 2 At lumakad sa pag-ibig, katulad ng pagmamahal ni Cristo sa atin at pagbigay ng kaniyang sarili sa atin. Siya ay naging alay at handog na naging kalugod-lugod sa Diyos. 3 Ang sekswal na imoralidad o ano mang karumihan o mapag-imbot na kaisipan ay hindi dapat nababanggit sa inyo, gaya ng nararapat sa mga mananampalataya. 4 Hindi rin dapat mabangit ang kalaswaan, walang kabuluhang pananalita, o mga pagbibirong nakakainsulto. Sa halip pagpapasalamat. 5 Sapagkat matitiyak ninyo na walang nakikiapid, marumi, o sakim na tao, na sumasamba sa diyus-diyosan ang magkaroon ng kahit na anong mamanahin sa kaharian ni Cristo at ng Dios. 6 Huwag hayaang may tao na manlinlang sa inyo ng mga salitang walang laman. Dahil sa mga bagay na ito ang galit ng Diyos ay darating sa mga anak ng pagsuway. 7 Kaya huwag kayong makibahagi sa kanila. 8 Sapagkat noon kayo ay kadiliman, ngunit ngayon kayo ay kaliwanagan sa Panginoon. Kaya lumakad kayo bilang mga anak ng liwanag. 9 Sapagkat ang bunga ng liwanag ay napapalooban ng lahat ng kabutihan, katuwiran, at katotohanan. 10 Pag-aralan ninyo kung ano ang kalugod-lugod sa Panginoon. 11 Huwag makibahagi sa mga walang kabuluhang gawain ng kadiliman. Sa halip, ihayag iyon. 12 Sapagkat ang mga ginagawa nila ng lihim ay labis na kahiya-hiya maging ang paglalarawan nito. 13 Lahat ng mga bagay, kapag ito ay naihayag sa liwanag ay nabubunyag. 14 Sapagkat ang lahat na naihayag ay nagiging liwanag. Kaya sinasabi, "Gumising, kayo mga natutulog at bumangon mula sa mga patay at magliliwanag sa inyo si Cristo." 15 Kaya mag-ingat kayo kung paano kayo lumakad, hindi tulad ng mangmang na mga tao kundi katulad ng matalino. 16 Samantalahin ninyo ang panahon sapagkat ang mga araw ay masama. 17 Huwag kayong maging hangal. Sa halip, unawain kung ano ang kalooban ng Panginoon. 18 At huwag magpakalasing sa alak, sapagkat hahantong ito sa pagkasira. Sa halip, mapuspos kayo ng Banal na Espiritu. 19 Mangusap kayo sa isat-isa sa mga salmo at mga himno at mga espiritwal na mga awitin. Umawit at magpuri sa inyong mga puso sa Panginoon. 20 Magpasalamat lagi sa Diyos Ama sa lahat ng bagay sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 21 Magpasakop kayo sa isa't isa tanda ng paggalang kay Cristo. 22 Mga asawang babae, magpasakop kayo sa inyong mga asawa, gaya sa Panginoon. 23 Sapagkat ang asawang lalaki ang ulo ng babae, tulad ni Cristo na siyang ulo ng Iglesia. Siya ang tagapagligtas ng katawan. 24 Ngunit kung papaanong ang Iglesia ay nagpapasakop kay Cristo, gayon din naman ang mga asawang babae sa kanilang mga asawa sa lahat ng bagay. 25 Mga asawang lalaki ibigin ninyo ang inyong mga asawa katulad din ng pagmamahal ni Cristo sa Iglesia at ibinigay ang kaniyang sarili sa kanya. 26 Ginawa niya ito upang gawin siyang banal. Nilinis niya ito sa pamamagitan ng paghugas ng tubig sa salita. 27 Ginawa niya ito upang maiharap sa kaniya ang isang maluwalhati na Iglesia na walang dungis o kulubot o ano mang katulad nito, ngunit sa halip banal at walang kamalian. 28 Gayon din naman, ang mga asawang lalaki ay kailangang mahalin ang kanilang sariling asawa katulad ng sarili nilang katawan. Ang nagmamahal sa kaniyang sariling asawa ay nagmamahal din sa Kaniyang sarili. 29 Walang tao ang nagagalit sa kaniyang sariling katawan. Sa halip, inaalagaan niya ito at minamahal katulad ng pagmamahal ni Cristo sa iglesia. 30 Sapagkat tayo ay mga bahagi ng kaniyang katawan. 31 Dahil dito iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ina at makikiisa sa kaniyang asawa at ang dalawa ay magiging isang laman." 32 Ito ay nakatagong dakilang katotohanan, subalit ako ay nagsasalita patungkol kay Cristo at sa iglesia. 33 Gayon pa man, ang bawat isa sa inyo ay kinakailangang mahalin ang kaniyang sariling asawa tulad ng kaniyang sarili, at ang asawang babae ay kinakailangang igalang ang kaniyang asawa.

Chapter 6

1 Mga anak, sundin ninyo ang inyong mga magulang sa Panginoon, sapagkat ito ang tama. 2 "Igalang mo ang inyong ama at ina" (na siyang unang kautusan na may pangako), 3 "upang maaari itong maging mabuti sa inyo at maaaring mabuhay kayo ng mahaba dito sa mundo." 4 At kayo mga ama, huwag ninyong sulsulan ang inyong mga anak sa galit. Sa halip, palakihin sila na may disiplina at katuruan ng Panginoon. 5 Mga alipin, maging masunurin kayo sa inyong mga panginoon sa lupa na may kasamang malalim na paggalang at pagkatakot, sa katapatan ng inyong mga puso. Maging masunurin sa kanila katulad ng pagsunod ninyo kay Cristo. 6 Maging masunurin hindi lamang tuwing nakatingin ang inyong mga panginoon para lang malugod sila. Sa halip, maging masunurin kayo gaya ng alipin ni Cristo. Gawin ninyo ang kalooban ng Diyos mula sa inyong puso. 7 Maglingkod kayo ng buong puso, na parang sa Panginoon kayo naglilingkod at hindi sa mga tao. 8 Dapat ninyong malaman na anumang mabuting gawa ang ginagawa ng bawat tao, makakatanggap siya ng gantimpala mula sa Panginoon, alipin man siya o malaya. 9 At kayo mga amo, gawin ninyo rin ang ganoong bagay sa inyong mga alipin. Huwag ninyo silang pagbantaan. Alam ninyo na ang Amo nila at ninyo ay parehong nasa langit. Alam ninyo na wala siyang tinatangi. 10 Sa wakas, magpakatatag kayo sa Panginoon at sa kalakasan ng kaniyang kapangyarihan. 11 Isuot ninyo ang buong baluti ng Diyos, upang sa ganoon maaari ninyong malabanan ang mga mapanlinlang na mga balak ng diablo. 12 Sapagkat ang ating pakikibaka ay hindi laban sa laman at dugo. Sa halip, ito ay laban sa pamahalaan at kapangyarihang espiritwal at mga tagapamahala ng kaharian ng masamang kadiliman, laban sa mga masasamang espiritu sa kalangitan. 13 Kaya isuot ninyo ang buong baluti ng Diyos upang manatili kayong matatag laban sa masama sa panahong ito ng kasamaan. Pagkatapos ninyong gawin ang lahat ng bagay, magiging matatag kayo. 14 Kaya nga magpakatatag kayo. Gawin ninyo ito pagkatapos ninyong maisuot ang sinturon ng katotohanan at maisuot sa dibdib ang baluti ng katuwiran. 15 Gawin ninyo ito pagkatapos ninyong mailagay sa inyong mga paa ang kahandaan sa pagpapahayag ng ebanghelyo ng kapayapaan. 16 Sa lahat ng kalagayan kunin ang kalasag ng pananampalataya, kung saan tutupukin ang lahat ng naglalagablab na pana ng masama. 17 At kunin ninyo ang helmet ng kaligtasan at ang espada ng Espiritu, ang salita ng Diyos. 18 Manalangin kayo sa lahat ng oras ng may panalangin at paghingi. Magbantay kayong lagi ng may buong pagtitiyaga at panalangin para sa lahat ng mga mananampalataya. 19 At ipanalangin ninyo ako na maibigay sa akin ang mensahe kapag binukas ko ang aking bibig. Ipanalangin ninyo na maipaalam ko nang may katapangan ang nakatagong katotohanan tungkol sa ebanghelyo. 20 Para ito sa ebanghelyo kaya ako kinatawan na naka-tanikala, upang sa ganito makapagsalita ako nang may katapangan kung ano ang nararapat kong sabihin. 21 Ngunit upang inyo ding malaman ang aking mga ginagawa at kung ano ang kalagayan ko, si Tiquico, ang minamahal na kapatid at tapat na alipin sa Panginoon ang magpapaunawa sa inyo ng lahat. 22 Pinadala ko siya sa inyo para sa layuning ito, upang malaman ninyo ang mga bagay tungkol sa amin, at upang maaliw niya ang inyong mga puso. 23 Mapasainyo nawa mga kapatid ang kapayapaan, at pag-ibig na may kasamang pananampalataya mula sa Diyos Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo. 24 Mapasainyo nawa ang biyaya sa mga nagmamahal sa ating Panginoong Jesu-Cristo na may pag-ibig na hindi kumukupas.