Malakias
Chapter 1
1 Ang pagpapahayag ng salita ni Yahweh para sa Israel sa pamamagitan ng kamay ni Malakias. 2 "Inibig ko kayo," sinabi ni Yahweh. Ngunit sinabi ninyo, "Paano mo kami inibig?" "Hindi ba kapatid ni Jacob si Esau?" ang pahayag ni Yahweh. "Gayon pa man, inibig ko si Jacob 3 ngunit kinamuhian ko si Esau. Ginawa kong wasak na lugar ang kaniyang mga bundok at ginawa kong lugar ng mga asong gubat sa ilang ang kaniyang mga mana." 4 Kung sasabihin ng Edom, "Pinabagsak tayo ngunit ibabalik at itatayo natin ang mga nawasak;" Sinabi ni Yahweh ng mga hukbo, "Itatayo nila ngunit pababagsakin ko; at tatawagin sila ng mga tao, 'Ang bansa ng kasamaan', at 'Ang mga taong kinapopootan ni Yahweh magpakailanman."' 5 Makikita ito ng sarili ninyong mga mata at sasabihin ninyo, "Dakila si Yahweh sa kabila ng mga hangganan ng Israel." 6 "Pinararangalan ng isang anak ang kaniyang ama at pinararangalan ng isang lingkod ang kaniyang panginoon. At kung isa nga akong Ama, nasaan ang aking karangalan? At kung isa akong panginoon, nasaan ang paggalang para sa akin? Nagsasalita sa inyo si Yahweh ng mga hukbo, mga paring humamak sa aking pangalan. Ngunit sinabi ninyo, 'Paano namin hinamak ang iyong pangalan?' 7 Sa pamamagitan ng paghahandog ng maruming tinapay sa aking altar. At sinabi ninyo, 'Paano ka namin dinungisan?' Sa pamamagitan ng pagsasabing maaaring hamakin ang hapag ni Yahweh. 8 Kapag naghahandog kayo ng mga hayop na bulag para sa pag-aalay, hindi ba masama iyon? At kapag naghahandog kayo ng pilay at may sakit, hindi ba masama iyon? Ihandog ninyo iyan sa inyong gobernador, tatanggapin pa ba niya kayo o haharapin pa ba niya kayo?" sinabi ni Yahweh ng mga hukbo. 9 At ngayon, sinusubukan ninyong humingi ng tulong sa Diyos upang maaari siyang mahabag sa atin. "Sa mga ganitong handog ninyo, tatanggapin pa ba niya kayo?" sabi ni Yahweh ng mga hukbo. 10 "O, kung may isa man sa inyo ang maaaring magsara ng mga tarangkahan ng templo upang hindi kayo makapagsindi ng apoy sa aking altar nang walang kabuluhan! Hindi ako nalulugod sa inyo," sabi ni Yahweh ng mga hukbo, "at hindi ko tatanggapin ang anumang handog mula sa inyong kamay. 11 Sapagkat mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog nito, magiging dakila ang aking pangalan sa mga bansa; sa bawat lugar na ihahandog ang insenso para sa aking pangalan at maging ang dalisay na handog. Sapagkat magiging dakila ang aking pangalan sa mga bansa," sabi ni Yahweh ng mga hukbo. 12 "Ngunit nilalapastangan ninyo ito nang sabihin ninyong marumi ang hapag ng Panginoon at ang mga prutas nito, dapat hamakin ang pagkain nito. 13 Sinabi rin ninyo, 'Nakakapagod na ito,' at pasinghal ninyo itong hinamak," sabi ni Yahweh ng mga hukbo. "Dinadala ninyo kung ano ang kinuha ng isang mabangis na hayop o ang pilay o may sakit; at dinala ninyo ito bilang inyong mga handog! Dapat ko ba itong tanggapin mula sa inyong kamay?" sabi ni Yahweh. 14 "Sumpain ang mandaraya na may isang lalaking hayop sa kaniyang kawan at nangakong ibibigay ito sa akin at gayon pa man inihandog sa akin, ang Panginoon, kung ano ang may kapintasan, sapagkat isa akong dakilang Hari," sabi ni Yahweh ng mga hukbo, "at kinakatakutan ng mga bansa ang aking pangalan."
Chapter 2
1 At ngayon, kayong mga pari, ang utos na ito ay para sa inyo. 2 Sabi ng Diyos ng mga hukbo, "Kung hindi kayo makikinig at kung hindi ninyo ito tatanggapin sa inyong puso upang bigyan nang kaluwalhatian ang aking pangalan," magpapadala ako ng sumpa sa inyo at susumpain ko ang inyong mga biyaya. Sa katunayan, sinumpa ko na sila, dahil hindi ninyo tinanggap sa inyong puso ang aking kautusan. 3 Tingnan ninyo, sasawayin ko ang inyong kaapu-apuhan at ipapahid ko ang dumi sa inyong mga mukha, ang dumi ng inyong mga inalay at alisin kayo kasama nito. 4 At malalaman ninyo na ipinadala ko ang utos na ito sa inyo at upang manatili ang aking kasunduan kay Levi," sabi ni Yahweh ng mga hukbo. 5 Ang aking kasunduan sa kaniya ay isang buhay at kapayapaan at ibinigay ko ang mga bagay na ito sa kaniya bilang mga bagay na magpaparangal sa akin. Pinarangalan niya ako, natakot at nagpakababa sa aking pangalan. 6 Ang totoong katuruan ay nasa kaniyang mga bibig at ang kasamaan ay hindi masumpungan sa kaniyang mga labi. Kasama ko siyang lumakad sa kapayapaan at katuwiran at inilayo niya ang marami mula sa kasalanan. 7 Sapagkat ang labi ng pari ay dapat ingatan ang kaalaman at dapat sumangguni ang mga tao ng tagubilin sa kaniyang bibig, sapagkat siya ang aking mensahero, ako si Yahweh ng mga hukbo. 8 Ngunit lumihis kayo mula sa totoong daan. Nagdulot kayo ng pagkatisod ng marami sa paggalang sa kautusan. Sinira ninyo ang kasunduan ni Levi," sabi ni Yahweh ng mga hukbo. 9 "Bilang kapalit, gagawin ko rin kayong kalait-lait at kahiya-hiya sa harapan ng lahat ng mga tao, dahil hindi ninyo iningatan ang aking mga pamamaraan, ngunit sa halip ay ipinakita ninyo na may pinapanigan kayo sa inyong pagtuturo." 10 Hindi ba lahat tayo ay may isang ama? Hindi ba iisang Diyos ang lumikha sa atin? Bakit tayo nakikitungo nang may pandaraya laban sa ating kapatid, na nilalapastangan ang kasunduan ng ating mga ama? 11 Gumawa nang pandaraya ang Juda at kasuklam-suklam na mga bagay ang ginawa sa Israel at sa Jerusalem. Sapagkat nilapastangan ng Juda ang banal na lugar ni Yahweh na kaniyang iniibig at napangasawa niya ang anak na babae ng isang dayuhang diyus-diyosan. 12 Ihiwalay nawa ni Yahweh mula sa mga tolda ang sinumang kaapu-apuhan ng taong gumawa nito, kahit na ang isang nagdadala ng alay kay Yahweh ng mga hukbo. 13 At ginawa rin ninyo ito. Tinakpan ninyo ng mga luha ang altar ni Yahweh, nang may pagtatangis at paghihinagpis, dahil hindi na siya sumasang-ayon na tingnan ang alay at hindi niya ito tinatanggap nang may kaluguran mula sa inyong kamay. 14 Ngunit sinasabi ninyo, "Bakit ayaw niya?" Sapagkat saksi si Yahweh sa pagitan mo at sa asawa ng inyong kabataan na pinagtaksilan mo, kahit na kasama mo siya at asawa mo sa pamamagitan ng kasunduan. 15 Hindi ba ginawa kayong iisa nang may bahagi ng kaniyang espiritu? At bakit niya kayo ginawang iisa? Dahil umaasa siyang magkakaroon ng maka-Diyos na lahi. Kaya ingatan ninyo ang inyong mga sariling kalooban at huwag hayaan ang sinuman na magtaksil sa asawa ninyo noong kabataan ninyo. 16 "Sapagkat kinamumuhian ko ang paghihiwalay," sabi ni Yahweh na Diyos ng Israel, at siya na tinatakpan ang kaniyang damit nang karahasan" sabi ni Yahweh ng mga hukbo. "Kaya ingatan ninyo ang inyong sariling kalooban at huwag mawalan ng tiwala." 17 Pinagod ninyo si Yahweh sa pamamagitan ng inyong mga salita. Ngunit sinasabi ninyo, "Paano namin siya pinagod?" Sa pagsasabing, "Lahat ng gumagawa ng masama ay mabuti sa paningin ni Yahweh at nagagalak siya sa kanila;" o "Nasaan ang Diyos nang katarungan?"
Chapter 3
1 "Tingnan ninyo, malapit ko ng isugo ang aking mensahero at ihahanda niya ang daan sa harapan ko. At ang Panginoon na inyong hinahanap, ay biglang darating sa kaniyang templo; at ang mensahero ng tipan na iyong kinaluluguran, tingnan ninyo, dumarating siya," sabi ni Yahweh ng mga hukbo. 2 Ngunit sino ang makapagtitiis sa araw ng kaniyang pagdating? At sino ang tatayo kapag nagpakita siya? Sapagkat siya ay katulad ng apoy nang tagapaglinang at katulad ng sabong panlaba. 3 Uupo siya upang mamuno bilang isang tagapaglinang at tagapagdalisay ng pilak at dadalisayin niya ang mga anak na lalaki ni Levi. At lilinangin niya silang katulad ng ginto at pilak at magdadala sila ng mga alay ng katuwiran kay Yahweh. 4 At ang alay ng Juda at Jerusalem ay magiging kalugud-lugod kay Yahweh, gaya ng mga araw noong una at gaya ng mga sinaunang panahon. 5 "Pagkatapos lalapit ako sa inyo para sa paghahatol. Magiging isa akong mabilis na saksi laban sa mga manghuhula, sa mga mangangalunya, sa mga hindi totoong saksi, at laban sa mga nang-aapi sa mga inuupahang manggagawa sa kaniyang sahod, sila na nang-aapi sa mga balo at sa mga ulila, at naglalayo sa mga dayuhan sa kanilang mga karapatan, at laban sa mga taong hindi ako pinararangalan," sabi ni Yahweh ng mga hukbo. 6 Sapagkat akong si Yahweh ay hindi nagbabago; kaya kayong mga tao ni Jacob ay hindi pa nalilipol. 7 Mula pa sa mga araw ng inyong mga magulang, tinalikuran ninyo ang aking mga batas at hindi ito iningatan. Manumbalik kayo sa akin at manunumbalik din ako sa inyo." sabi ni Yahweh ng mga hukbo. "Ngunit sinasabi ninyo, 'Paano kami manunumbalik?' 8 Maaari bang nakawan ng tao ang Diyos? Gayon pa man, ninanakawan ninyo ako. Ngunit sinasabi ninyo, 'Paano ka namin ninakawan?' Sa mga ikapu at sa mga handog. 9 Isinumpa kayo sa pamamagitan ng isang sumpa, sapagkat ninakawan ninyo ako, ang buong bansang ito. 10 Dalhin ang buong ikapu sa silid-imbakan upang may makain sa aking tahanan. At subukan ninyo ako ngayon sa ganito," sabi ni Yahweh ng mga hukbo, "kung hindi ko bubuksan sa inyo ang mga bintana ng langit sa inyo at ibuhos ang mga pagpapala sa inyo, hanggang sa walang sapat na silid na paglagyan nito. 11 Sasawayin ko ang maninira para sa inyo upang hindi nito sirain ang ani sa inyong lupain; hindi mawawala ang bunga ng mga ubas ninyo sa mga bukid bago ang takdang panahon," sabi ni Yahweh ng mga hukbo. 12 "Tatawagin ka ng lahat ng mga bansa na pinagpala; sapagkat magiging lupain ka nang kagalakan," sabi ni Yahweh ng mga hukbo. 13 "Ang mga salita ninyo ay naging lapastangan laban sa akin," sabi ni Yahweh. "Ngunit sinasabi ninyo, "Ano ang sinabi namin laban sa iyo?' 14 Sinabi ninyo, ''Walang kabuluhan ang maglingkod sa Diyos. Ano ang napapala natin dito sa pag-ingat ng kaniyang mga tagubilin at lumakad tayo nang may pagdadalamhati sa harapan ni Yahweh ng mga hukbo? 15 At ngayon, tinatawag nating mapalad ang palalo na tao. Hindi lamang pinagpapala ang mga masasama ngunit sinusubukan nila ang Diyos at tumatakas." 16 At ang mga may takot kay Yahweh ay nagsabi sa isa't isa; nagbigay pansin si Yahweh at nakinig, at isang aklat ng alaala ang nasulat sa kaniyang harapan para sa mga may takot kay Yahweh at iginagalang ang kaniyang pangalan. 17 "Sila ay magiging akin," sabi ni Yahweh ng mga hukbo, "ang tangi kong kayamanan, sa araw na aking gawin; ililigtas ko sila gaya ng pagligtas ng isang tao sa kaniyang anak na naglilingkod sa kaniya. 18 At minsan pa, muli ninyong makikita ang pagkakaiba sa pagitan ng matuwid at masama, sa pagitan ng sumasamba sa Diyos at sa hindi sumasamba sa kaniya.
Chapter 4
1 Sapagkat tingnan ninyo, ang araw ay dumarating, na nagliliyab na parang isang pugon, kapag ang lahat ng mayabang at lahat ng gumagawa ng masama ay magiging parang dayami. Susunugin sila sa araw na paparating," sabi ni Yahweh ng mga hukbo, "upang walang maiwan kahit ugat at maging sanga man. 2 Ngunit sa inyong may takot sa aking pangalan, sisikat ang araw nang katuwiran na may kagalingan sa mga pakpak nito. Lalabas kayo na lumulukso katulad ng guya mula sa kulungan. 3 Tatapakan ninyo ang masasama, sapagkat sila ay magiging mga abo sa ilalim ng mga talampakan ng inyong mga paa sa araw na gawin ko," sabi ni Yahweh ng mga hukbo. 4 "Alalahanin ninyong sundin ang utos ng aking lingkod na si Moises, ang mga kasunduan at alituntunin na iniutos ko sa kaniya sa Horeb para sa buong Israel. 5 Tingnan ninyo, isusugo ko sa inyo si Elias, na propeta bago dumating ang dakila at katakut-takot na araw ni Yahweh. 6 At ipapanumbalik niya ang puso ng mga ama sa mga anak, at ang puso ng mga anak sa kanilang mga ama; upang hindi ako darating at lusubin ang lupain nang may ganap na pagkawasak."