Tagalog: Tagalog Unlocked Literal Bible

Updated ? hours ago # views See on DCS Draft Material

1 Pedro

Chapter 1

1 Si Pedro, na apostol ni Jesu Cristo, sa mga dayuhang nasa iba't ibang dako, sa mga pinili na nasa Ponto, Galacia, Capadocia, Asia, at Bitinia, 2 ayon sa kaalaman ng Diyos Ama sa simula pa lang, sa pagpapabanal ng Banal na Espiritu, para sa pagsunod kay Jesu Cristo, at para sa pagwiwisik ng kaniyang dugo. Sumainyo ang biyaya, at sumagana ang inyong kapayapaan. 3 Papurihan ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu Cristo. Sa kaniyang dakilang kahabagan, nagbigay siya sa atin ng bagong kapanganakan para sa katiyakan ng pamana sa pamamagitan ng pagkabuhay muli ni Jesu Cristo mula sa kamatayan-- 4 para sa pamanang hindi maglalaho, hindi madudungisan, at hindi kukupas. Nakalaan ito sa langit para sa inyo. 5 Sa kapangyarihan ng Diyos kayo ay iniingatan sa pamamagitan ng pananampalataya para sa kaligtasan na nakahandang maihayag sa huling panahon. 6 Magagalak kayo dito, kahit na ngayon, kinakailangan ninyong makaramdam ng kapighatian dahil sa ibat-ibang mga pagsubok. 7 Ito ay para ang inyong pananampalataya ay masubok, pananampalataya na higit na mas mahalaga kaysa sa ginto na naglalaho sa apoy na sumusubok sa inyong pananampalataya. Nangyayari ito upang ang inyong pananampalataya ay matagpuang nagbubunga ng pagpupuri, kaluwalhatian, at karangalan sa kapahayagan ni Jesu Cristo. 8 Hindi ninyo siya nakita, pero mahal ninyo siya. Hindi ninyo siya nakikita ngayon, ngunit naniniwala kayo sa kaniya at lubos kayong nagagalak na may kaligayahang hindi maipaliwanag na punong-puno ng kaluwalhatian. 9 Kayo mismo ang tumatanggap ng bunga ng inyong pananampalataya, ang kaligtasan ng inyong mga kaluluwa. 10 Maingat na sinaliksik at sinuri ng mga propeta ang patungkol sa kaligtasang ito, tungkol sa biyaya na mapapasa-inyo. 11 Nagsaliksik sila upang malaman kung anong uri ng kaligtasan ang darating. Nagsaliksik din sila upang malaman ang patungkol sa panahon na sinasabi sa kanila ng Espiritu ni Cristo na nasa kanila. Nangyayari ang mga ito habang sinasabi niya sa kanila, bago pa man mangyari, ang patungkol sa pagdurusa ni Cristo, at ang mga kaluwalhatiang darating kasunod niya. 12 Naihayag sa mga propeta na naglilingkod sila sa mga bagay na ito, hindi para sa kanilang sarili, kung hindi para sa inyo-- ang pagsasabi ng mga bagay na ito sa pamamagitan ng mga nagdadala ng ebanghelyo sa inyo sa pamamagitan ng Banal na Espiritu na isinugo mula sa langit, mga bagay na ninanais maipahayag maging ng mga anghel. 13 Kaya't bigkisan ninyo ang baywang ng inyong kaisipan. Maging mahinahon kayo sa inyong pag-iisip. Magkaroon kayo ng buong kapanatagan sa biyaya na dadalhin sa inyo sa kapahayagan ni Jesu Cristo. 14 Tulad ng masunuring mga anak, huwag ninyong i-ayon ang inyong mga sarili sa mga pagnanasa na inyong sinunod noong wala pa kayong kaalaman. 15 Dahil gaya ng ang tumawag sa inyo ay banal, kayo rin, at magpakabanal sa lahat ng inyong ginagawa sa buhay. 16 Sapagkat nasusulat, "Magpakabanal kayo, sapagkat ako ay banal." 17 At kung tinatawag ninyong "Ama" ang tagahatol na walang pagtatangi ayon sa ginagawa ng bawat tao, bigyang panahon ng inyong paglalakbay nang may mataas na pagtingin sa kaniya. 18 Alam ninyo na hindi sa mga pilak o ginto-- mga bagay na naglalaho-- na kayo ay tinubos mula sa hangal na pamumuhay na inyong natutunan sa inyong mga ninuno. 19 Pero kayo ay tinubos sa marangal na dugo ni Cristo, tulad ng isang tupa na walang kapintasan at walang karumihan. 20 Pinili si Cristo bago pa ang pagkalikha ng mundo, pero ngayon, sa mga huling panahon, naihayag siya sa inyo. 21 Naniniwala kayo sa Diyos sa pamamagitan niya, na binuhay ng Diyos mula sa mga patay at sa kaniya na binigyan ng kaluwalhatian upang ang inyong pananampalataya at pagtitiwala ay mailaan sa Diyos. 22 Ginawa ninyong dalisay ang inyong mga kaluluwa sa pamamagitan ng pagsunod sa katotohanan para sa taos-pusong pagmamahal para sa kapatiran, kaya masugid ninyong ibigin ang isa't isa. 23 Ipinanganak kayong muli, hindi mula sa naglalahong binhi, ngunit mula sa hindi naglalahong binhi, sa pamamagitan ng buhay at nananatiling salita ng Diyos. 24 Sapagkat "Ang lahat ng laman ay tulad ng damo, at ang lahat ng kagandahan nito ay tulad ng bulakalak. Ang damo ay malalanta, at ang bulaklak ay malalaglag, 25 pero ang salita ng Panginoon ay mananatili magpakailanman." Ito ang mensahe na ipinahayag bilang ebanghelyo sa inyo.

Chapter 2

1 Kaya isantabi ninyo ang lahat ng kasamaan, panlilinlang, pagpapa-imbabaw, pagka-inggit, at paninirang-puri. 2 Katulad ng bagong silang na sanggol, naisin ninyo ang purong gatas na espiritwal, upang kayo ay lumago sa kaligtasan sa pamamagitan nito, 3 kung naranasan niyo na mabuti ang Panginoon. 4 Lumapit kayo sa kaniya na siyang buhay na bato na tinanggihan ng mga tao, pero pinili ng Diyos at natatangi sa kaniya. 5 Tulad kayo ng buhay na mga bato na kasalukuyang binubuo upang maging espiritwal na tahanan, upang maging banal na mga pari na naghahandog ng espiritwal na mga alay na katanggap-tanggap sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu Cristo. 6 Sinasabi ng kasulatan, "Masdan ninyo, inilatag ko sa Sion ang isang panulukang bato, pinuno at pinili at mahalaga. Sinumang sumampalataya sa kaniya ay hindi mapapahiya." 7 Kaya ang karangalan ay para sa inyo na nananampalataya. Pero, "ang bato na tinanggihan ng mga manggagawa, ito ang naging puno sa panulukan"-- 8 at, "ang batong katitisuran at ang batong kadarapaan." Madarapa sila sa hindi pagsunod sa salita, kung saan sila rin ay itinalaga. 9 Subalit kayo ay piniling lahi, isang grupo ng maharlikang mga pari, isang banal na bayan, mga taong pag-aari ng Diyos, upang maihayag ninyo ang mga kamangha-manghang ginawa ng tumawag sa inyo mula sa kadiliman patungo sa kaniyang kamangha-manghang kaliwanagan. 10 Dati, hindi kayo isang bayan, pero ngayon, kayo ay bayan na ng Diyos. Hindi kayo tumanggap ng kahabagan, pero ngayon, tumanggap kayo ng kahabagan. 11 Mga minamahal, tinawag ko kayong mga dayuhan at manlalakbay upang umiwas kayo sa masasamang pagnanasa na nakikipagdigma sa inyong kaluluwa. 12 Dapat kayong magkaroon ng mabuting pamumuhay sa gitna ng mga Gentil, sa gayon, kung magsasalita sila patungkol sa inyo bilang gumagawa ng masasamang bagay, mapagmasdan nila ang inyong mabubuting ginagawa at papurihan nila ang Diyos sa araw ng kaniyang pagdating. 13 Sumunod kayo sa bawat pamahalaan, alang-alang sa Panginoon, maging ang hari bilang kataas-taasan, 14 maging ang gobernador na isinugo upang parusahan ang mga mapaggawa ng masama at puruhin silang mapaggawa ng mabuti. 15 Sapagkat ito ang kalooban ng Diyos, na sa pamamagitan ng paggawa ng mabuti mapatahimik ninyo ang walang kabuluhang salita ng mga hangal. 16 Bilang mga taong malaya, huwag ninyong angkinin ang inyong kalayaan bilang panakip ng kasamaan, sa halip, maging tulad kayo ng mga lingkod ng Diyos. 17 Igalang ninyo ang lahat ng tao. Mahalin ninyo ang kapatiran. Magkaroon kayo ng takot sa Diyos. Igalang ninyo ang hari. 18 Mga alipin, magpasakop kayo sa inyong mga amo nang may buong paggalang, hindi lang sa mabuti at mahinahon na mga amo, pero pati narin sa mga masama. 19 Sapagkat kapuri-puri ang sinumang magtitiis ng pasakit habang nahihirapan sa kawalan ng katarungan nang dahil sa kaniyang konsiyensya sa Diyos. 20 Sapagkat gaano kataas na parangal ang nakalaan sa paggawa ng kasamaan at magtiis habang pinarurusahan? Pero kung gumawa kayo ng mabuti at nagtiis kayo habang pinarurusahan, ito ay kapuri-puri sa Diyos. 21 Dahil dito kayo tinawag, sapagkat maging si Cristo ay naghirap para sa inyo, nag-iwan ng halimbawa para sa inyo upang sundan ang kaniyang mga dinaraanan. 22 Hindi siya nagkasala at walang anumang pandaraya ang natagpuan sa kaniyang bibig. 23 Nang nilait siya, hindi siya gumanti ng panlalait. Nang naghirap siya, hindi siya nagbanta ng ganti, pero ibinigay niya ang kaniyang sarili sa humahatol nang matuwid. 24 Siya mismo ang nagdala ng ating mga kasalanan sa kaniyang katawan sa puno, upang hindi na tayo magkaroon ng bahagi sa kasalanan, at upang makapamuhay tayo para sa katuwiran. Sa pamamagitan ng kanyang mga sugat kayo ay gumaling. 25 Kayong lahat ay naglalakbay palayo tulad ng mga nawawalang tupa, ngunit ngayon, bumalik kayo sa pastol at tagapagbantay ng inyong mga kaluluwa.

Chapter 3

1 Sa ganitong paraan, kayong mga asawang babae ay dapat magpasakop sa inyong mga asawa, sa gayon, kahit may ilang hindi sumusunod sa salita, sa pamamagitan ng pag-uugali ng kanilang asawang babae, mahikayat sila nang walang salita, 2 dahil makikita nila ang inyong dalisay na pag-uugali na may karangalan sa kanilang sarili. 3 Huwag ninyo itong gawin sa pamamagitan ng panlabas na paggayak--pagtitirintas ng buhok, pagsusuot ng alahas, o magagarang damit. 4 Sa halip, gawin niyo ito sa pamamagitan ng panloob na pagkatao na nasa puso, at nang walang kupas na kagandahan ng isang mahinahon at mapayapang espiritu na natatangi sa paningin ng Diyos. 5 Sapagkat ang banal na mga kababaihan noon ay minsang naggayak ng kanilang mga sarili sa ganitong paraan. Nagtiwala sila sa Diyos at nagpasakop sila sa kanilang mga asawa. 6 Sa ganitong paraan sumunod si Sara kay Abraham at tinawag siyang kaniyang "panginoon." Kayo ngayon ay kaniyang mga anak kung ginagawa ninyo ang mabuti at kung hindi kayo natatakot sa kaguluhan. 7 Gayun din, kayong mga asawang lalaki ay dapat mamuhay kasama ang inyong asawa nang nalalaman na sila ay mas mahinang kabiyak, kinikilala sila na kapwa ninyong tatanggap ng kaloob ng buhay. Gawin ninyo ito upang ang inyong mga panalangin ay hindi mahadlangan. 8 Panghuli, lahat kayo, magkaisa kayo sa pag-iisip, mahabagin, mapagmahal bilang magkakapatid, maging maawain, at mapagpakumbaba. 9 Huwag ninyong suklian ang masama ng masama o ang panlalait ng panlalait. Sa halip, patuloy kayong magpala, sapagkat dahil dito, kayo ay tinawag nang sa gayun magmana kayo ng pagpapala. 10 "Ang may gustong magmahal sa buhay at makakakita ng mabubuting araw ay kailangang pigilin ang kaniyang dila sa masama at ang kaniyang bibig sa pagsasabi ng kasinungalingan. 11 Talikuran niya ang masama at gawin ang mabuti. Hanapin niya ang kapayapaan at ito'y sundan. 12 Ang mga mata ng Panginoon ay nakikita ang matuwid at naririnig ng kaniyang tainga ang kanilang mga kahilingan. Pero ang mukha ng Panginoon ay laban sa mga gumagawa ng masama." 13 Sino ang mananakit sa inyo kung hinahangad ninyo ang mabuti? 14 Pero kung naghihirap kayo dahil sa katuwiran, kayo ay pinagpala. Huwag niyong katakutan ang kanilang kinatatakutan. Huwag kayong mabahala. 15 Sa halip, ibukod-tangi niyo ang Panginoong Cristo sa inyong mga puso bilang banal. Lagi kayong maging handa na sagutin ang bawat nagtatanong sa inyo kung bakit mayroon kayong pagtitiwala sa Diyos. Gawin ninyo ito nang may kahinahunan at paggalang. 16 Magkaroon kayo ng malinis na budhi upang ang mga taong umaalipusta sa inyong magandang buhay kay Cristo ay mapahiya dahil nagsasalita sila laban sa inyo na tila kayo ay masasamang tao. 17 Mas mainam, kung nais ng Diyos, na kayo ay maghirap sa paggawa ng kabutihan kaysa sa paggawa ng kasamaan. 18 Nagdusa rin si Cristo para sa mga kasalanan. Siya na matuwid ay nagdusa para sa atin, na mga hindi matuwid, upang tayo ay madala niya sa Diyos. Pinatay siya sa laman, pero muling binuhay sa espiritu. 19 Sa espiritu, nagpunta siya at nangaral sa mga espiritu na ngayon ay naka-bilanggo. 20 Sila ay ayaw sumunod noong ang Diyos ay matiyagang naghihintay sa panahon ni Noe, sa mga araw ng ginagawa ang arko, at nagligtas ang Diyos ng iilang tao--walong kaluluwa--sa baha. 21 Ito ay sumisimbolo ng pagbabautismo na nagliligtas sa inyo ngayon, hindi bilang paglilinis ng karumihan mula sa katawan, pero bilang panawagan ng mabuting budhi sa Diyos, sa pamamagitan ng pagkabuhay muli ni Jesu-Cristo. 22 Siya ay nasa kanang kamay ng Diyos. Nagpunta siya sa langit. Ang mga anghel, mga pamahalaanan, at ang mga kapangyarihan ay dapat magpasakop sa kaniya.

Chapter 4

1 Kaya nga, dahil si Cristo ay naghirap sa laman, armasan ninyo ang inyong mga sarili ng kaparehas na hangarin. Sinuman ang naghirap sa laman ay tumigil na sa kasalanan. 2 Ang taong ito ay hindi na namumuhay para sa mga pansariling pagnanasa, pero para sa kalooban ng Diyos--sa kaniyang natitirang buhay. 3 Sapagkat sapat na panahon na ang lumipas para gawin ng mga Gentil ang nais nilang gawin--kahalayan, pagkahumaling, paglalasing, panggugulo, labis na pagsasaya at kasuklam-suklam na pagsamba sa diyus-diyosan. 4 Naisip nilang kakaiba na hindi ninyo ginagawa ang mga bagay na ito kasama sila, kaya nagsasalita sila ng masama patungkol sa inyo. 5 Magbibigay sila ng pagsusulit sa kaniya na handang hatulan ang lahat ng mga tao, patay man o buhay. 6 Sa layuning ito, ipinangaral ang ebanghelyo sa mga namatay, sa gayun, kahit na sila ay hinatulan sa kanilang mga katawan bilang mga tao, sila ay makapapamuhay ayon sa Diyos sa espiritu. 7 Ang katapusan ng lahat ng mga bagay ay parating na. Kaya magkaroon kayo ng matinong kaisipan at maliwanag na pag-iisip para sa kapakanan ng inyong mga panalangin. 8 Higit sa lahat ng bagay, magkaroon kayo ng taimtim na pag-ibig para sa isa't isa, dahil ang pag-ibig ay hindi naghahangad na matuklasan ang mga kasalanan ng iba. 9 Magpakita kayo ng kagandahang-loob sa isa't isa nang walang pagrereklamo. 10 Ang bawat isa sa inyo ay tumanggap ng kaloob, gamitin niyo ito para paglingkuran ang isa't isa, bilang mabuting mga katiwala ng maraming kaloob ng Diyos. 11 Kung mayroong nangungusap, ituring niyo ito bilang salita ng Diyos, at kung mayroong naglilingkod, magmula ito sa lakas na ibinibigay ng Diyos, upang sa lahat ng bagay, ang Diyos ay maluwalhati sa pamamagitan ni Jesu- Cristo. Kaluwalhatian at kapangyarihan ay sa kaniya magpakailanman. Amen 12 Mga minamahal, huwag ninyong isiping kataka-taka ang masidhing pagsubok na dumarating sa inyo, na parang hindi ito pangkaraniwan sa inyo. 13 Pero tulad ng pagdanas ninyo ng mga pagdurusa ni Cristo, magalak kayo, upang kayo ay magalak at matuwa sa pagpapahayag ng kaniyang kaluwalhatian. 14 Kung kayo ay inaalipusta dahil sa pangalan ni Cristo, kayo ay pinagpala, dahil ang Espiritu ng kaluwalhatian at Espiritu ng Diyos ay nasa inyo. 15 Nawa walang magdusa sa inyo bilang isang mamamatay tao, magnanakaw, mapaggawa ng masama, o pakialamero. 16 Pero, sinuman sa inyo ang nagdurusa bilang isang Kristiyano, huwang siyang mahiya, sa halip luwalhatiin niya ang Diyos sa pangalan na ito. 17 Sapagkat panahon na para ang paghuhukom ay magsimula sa sambahayan ng Diyos. At kung magsisimula ito sa atin, ano pa ang kalalabasan para sa mga hindi sumusunod sa ebanghelyo ng Diyos? 18 At kung "ang matuwid ay naligtas sa kabila ng mga pagdurusa, ano pa ang mangyayari sa mga hindi maka-diyos at sa makasalanan?" 19 Kaya ipagkatiwala nawa ng mga nagdurusa ayon sa kalooban ng Diyos ang kanilang mga kaluluwa sa tapat na Manlilikha habang sila ay gumagawa ng kabutihan.

Chapter 5

1 Hinihikayat ko ang mga nakatatanda sa inyo, ako, na isang kapwa nakatatanda at isang saksi sa pagdurusa ni Cristo, at kabahagi ng kaluwalhatian na maihahayag. 2 Kaya nga, hinihikayat ko kayo, mga nakatatanda, pangalagaan ninyo ang kawan ng Diyos na nasa inyo. Pangalagaan niyo sila, hindi dahil kailangan ninyo, pero dahil nais ninyo ito, ayon sa Diyos. Pangalagaan niyo sila nang maluwag sa inyong kalooban, hindi para sa pera. 3 Huwag kayong umasta na tila mga amo sa mga taong nasa inyong pangangalaga, sa halip maging halimbawa kayo sa kawan. 4 Sa kapahayagan ng Punong Pastol, kayo ay makatatanggap ng maluwalhating korona na hindi kumukupas. 5 Gayon din, kayong mga nakababatang kalalakihan, magpasakop kayo sa mga nakatatandang kalalakihan. Kayong lahat, damitan ninyo ang inyong sarili ng kababaang-loob at maglingkod kayo sa isa't isa sapagkat pinipigilan ng Diyos ang mga mapagmataas, pero binibigyan niya ng biyaya ang mga mapagpakumbaba. 6 Kaya nga maging mapagpakumbaba kayo sa ilalim ng makapangyarihang kamay ng Diyos upang kayo ay itaas niya sa tamang panahon. 7 Ibigay niyo ang lahat ng inyong pag-aalala sa kaniya, dahil pinag-iingatan niya kayo. 8 Maging handa at mapagmatyag kayo. Ang inyong kaaway, ang diyablo, tulad ng isang umaatungal na leon, ay naglilibot at naghahanap ng kaniyang sasakmalin. 9 Tumindig kayo laban sa kaniya. Magpakatatag kayo sa inyong pananampalataya. Tandaan ninyo na ang inyong mga kapatid na nasa mundong ito ay nagtitiis ng kaparehas na pagdurusa. 10 Pagkatapos ninyong magdusa sa sandaling panahon, ang Diyos ng lahat ng biyaya, na tumawag sa inyo sa walang hanggang kaluwalhatian kay Cristo, ang siyang magbibigay sa inyo ng kaganapan, magpapatibay at magpapalakas sa inyo. 11 Sa kaniya ang kapangyarihan magpakailanman. Amen. 12 Itinuturing ko si Silvano na isang tapat na kapatid, at sumulat ako sa inyo ng maigsi sa pamamagitan niya. Hinihikayat ko kayo at nagpapatotoo sa inyo na ang aking isinulat ay ang totoong biyaya ng Diyos. Manindigan kayo dito. 13 Ang babaeng nasa Babilonia, na pinili kasama ninyo, ay bumabati sa inyo, at si Marcos, na aking anak, ay binabati kayo. 14 Batiin niyo ang isa't isa sa halik ng pag ibig. Nawa ang kapayapaan ay sumainyong lahat na mga tagasunod ni Cristo.