Zacarias
Chapter 1
1 Nang ikawalong buwan ng ikalawang taon ng paghahari ni Dario, dumating ang salita ni Yahweh kay Zacarias na anak ni Berequias na anak ni propeta Iddo na nagsasabi, 2 "Lubhang nagalit si Yahweh sa inyong mga ama! 3 Sabihin mo sa kanila, 'Ito ang sinasabi ni Yahweh ng mga hukbo, "Bumalik kayo sa akin!" Ito ang pahayag ni Yahweh ng mga hukbo. "At babalik ako sa inyo." Sabi ni Yahweh ng mga hukbo. 4 Huwag kayong maging katulad ng inyong mga amang sinigawan ng mga propeta noong nakaraan na nagsasabi, "Ito ang sinasabi ni Yahweh ng mga hukbo: tumalikod kayo sa inyong mga masasamang gawain at kaugalian!" Ngunit hindi sila nakinig at hindi nila ako binigyan ng pansin." Ito ang pahayag ni Yahweh. 5 "Nasaan ang inyong mga ama? At ang mga propeta, naririto ba sila magpakailanman? 6 Ngunit ang aking mga salita at mga kautausan na iniutos ko sa aking mga lingkod na mga propeta, hindi ba nito naabot ang inyong mga ama? Kaya nagsisi sila at sinabi, "Gaya ng binalak gawin sa atin ni Yahweh ng mga hukbo dahil sa ating mga salita at gawain, kaya niya ginawa sa atin." 7 Nang ikadalawampu't-apat na araw ng ikalabing isang buwan, na siyang buwan ng Sebath, na ikalawang taon ng paghahari ni Dario, dumating ang salita ni Yahweh kay Zacarias na anak ni Berequias na anak ni propeta Iddo na nagsasabi, 8 "Nakita ko sa gabi at tingnan mo! nakasakay ang isang lalaki sa pulang kabayo at nasa kalagitnaan siya ng mga puno ng mirto na nasa lambak at sa likod niya ay may mga pula, mapula na kayumanggi at mga puting kabayo." 9 Sinabi ko, "Ano ang mga ito Panginoon?" At sinabi sa akin ng anghel na kumausap sa akin, "Ipapakita ko sa iyo kung ano ang mga ito." 10 Pagkatapos, sumagot ang lalaking nakatayo sa kalagitnaan ng mga puno ng mirto at sinabi, "Ito ang mga isinugo ni Yahweh upang maglibot sa buong daigdig." 11 Tumugon sila sa anghel ni Yahweh na nakatayo sa kalagitnaan ng mga puno ng mirto, sinabi nila sa kaniya, "Matagal na kaming naglilibot sa buong daigdig, tingnan mo, ang buong daigdig ay nananatili at nagpapahinga." 12 Pagkatapos, sinagot ng anghel si Yahweh at sinabi, "Yahweh ng mga hukbo, gaano katagal kang hindi magpapakita ng pagkahabag sa Jerusalem at sa mga lungsod ng Juda na nagdusa ng iyong pagkagalit nitong pitumpung taon"? 13 Sinagot ni Yahweh ang anghel na kumausap sa akin nang may mga magagandang salita at mga salitang pang-aliw. 14 Kaya sinabi ng anghel na nakipag-usap sa akin, "Sumigaw ka at iyong sabihin, 'Ito ang sinasabi ni Yahweh ng mga hukbo: "Naninibugho ako para sa Jerusalem at Sion nang may matinding damdamin! 15 At labis akong nagagalit sa mga bansang matiwasay sapagkat hindi ako nalugod at tumulong sila sa pagbubungad ng kadalamhatian." 16 Kaya ito ang sinasabi ni Yahweh ng mga hukbo: "Bumalik ako sa Jerusalem ng may pagkaawa. Itatatag ang aking tahanan sa kaniya at iuunat sa Jerusalem ang panukat na linya!"- ito ang pahayag ni Yahweh ng mga hukbo. 17 Muli, sumigaw ka na magsasabi, 'Ito ang sinasabi ni Yahweh ng mga hukbo: 'Ang aking mga lungsod ay muling mapupuno ng kabutihan at muling aaliwin ni Yahweh ang Sion at muli niyang pipiliin ang Jerusalem." 18 Pagkatapos, tumingala ako at nakakita ng apat na sungay! 19 Nagsalita ako sa anghel na nakipag-usap sa akin, "Ano ang mga ito?" Sinagot niya ako, "Ito ang mga sungay na nagpakalat sa Juda, Israel at Jerusalem." 20 Pagkatapos, ipinakita sa akin ni Yahweh ang apat na panday. 21 Sinabi ko, "Ano ang gagawin ng mga taong ito?" Sumagot siya at sinabi, "Ito ang mga sungay na nagpakalat sa Juda upang walang sinuman ang makapag-angat ng kaniyang ulo. Ngunit dumarating ang mga taong ito upang palayasin sila, upang ibagsak ang mga sungay ng mga bansang nag-angat ng anumang sungay laban sa lupain ng Juda upang ikalat siya.
Chapter 2
1 Pagkatapos nito, itiningala ko ang aking mga mata at nakita ko ang isang lalaki na mayroong panukat na lubid sa kaniyang kamay. 2 Sinabi ko, "Saan ka pupunta?" Kaya sinabi niya sa akin, "Susukatin ko ang Jerusalem, upang malaman ang luwang at haba nito." 3 Pagkatapos, umalis ang anghel na nakipag-usap sa akin at lumabas ang isa pang anghel upang salubungin siya. 4 Sinabi sa kaniya ng ikalawang anghel, "Tumakbo ka at sabihin mo sa binatang iyon: sabihin mo, 'Uupo ang Jerusalem sa bansang walang pader dahil sa napakaraming tao at mga hayop na nasa kaniya. 5 Sapagkat Ako ang magiging pader na apoy sa palibot niya at ako ang magiging kaluwalhatian sa kalagitnaan niya — ito ang pahayag ni Yahweh. 6 Oy! Oy! Tumakas kayo mula sa lupain ng hilaga'— ito ang pahayag ni Yahweh, 'sapagkat ikinalat ko kayo tulad ng apat na hangin sa himpapawid!' Ito ang pahayag ni Yahweh, 7 'Oy! Tumakas kayo papuntang Zion, kayong mga naninirahan kasama ng mga anak na babae ng Babilonia!"' 8 Sapagkat pagkatapos akong parangalan ni Yahweh ng mga hukbo at ipadala ako laban sa mga bansa na nanamsam sa inyo— sapagkat sinuman ang sumagi sa inyo ay sumagi sa natatangi sa paningin ni Yahweh! Pagkatapos itong gawin ni Yahweh, sinabi niya, 9 "Ako mismo ang kukumpas ng aking kamay sa kanila, at magiging sinamsam sila para sa kanilang mga alipin." At malalaman ninyo na si Yahweh ng mga hukbo ang nagpadala sa akin. 10 Umawit ka nang may kagalakan, anak na babae ng Zion, sapagkat ako mismo ang darating at mananahan sa inyo! Ito ang pahayag ni Yahweh." 11 Pagkatapos, makikiisa kay Yahweh ang mga malalaking bansa sa araw na iyon. Sinasabi niya, "At kayo ang magiging mga tao ko sapagkat mananahan ako sa inyong kalagitnaan." At malalaman ninyo na si Yahweh ng mga hukbo ang nagpadala sa akin sa inyo. 12 Sapagkat mamanahin ni Yahweh ang Juda bilang kaniyang nararapat na pag-aari sa banal na lupain at muling pipiliin ang Jerusalem para sa kaniyang sarili. 13 Ang lahat ng laman, manahimik kayo sa harapan ni Yahweh, sapagkat siya ay ginising mula sa kaniyang banal na lugar!
Chapter 3
1 Pagkatapos, ipinakita sa akin ni Yahweh si Josue na punong pari na nakatayo sa harapan ng anghel ni Yahweh at nakatayo sa kaniyang kanang kamay si Satanas upang paratangan siya ng kasalanan. 2 Sinabi ng anghel ni Yahweh kay Satanas, "Sawayin ka nawa ni Yahweh, Satanas: Sawayin ka nawa ni Yahweh, na siyang pumili sa Jerusalem! Hindi ba ito isang gatong na hinila mula sa apoy? 3 Nakasuot si Josue ng maruming kasuotan habang nakatayo siya sa harapan ng anghel, 4 kaya nagsalita ang anghel at sinabi sa mga nakatayo sa harapan niya, "Alisin ang maruming kasuotan mula sa kaniya." At sinabi niya kay Josue, "Tingnan mo! Pinalampas ko ang mabigat mong kasalanan at bibihisan kita ng magandang damit." 5 Sinabi niya, "Suotan ninyo siya ng malinis na turbante sa kaniyang ulo!" Kaya sinuotan nila si Josue ng isang malinis na turbante sa kaniyang ulo at binihisan siya ng malinis na kasuotan habang nakatayo sa tabi ang anghel ni Yahweh. 6 Pagkatapos nito, taimtim na inutusan si Josue ng anghel ni Yahweh at sinabi, 7 "Ito ang sinasabi ni Yahweh ng mga hukbo, 'Kung ikaw ay lalakad sa aking pamamaraan at kung pananatilihin mo ang aking mga kautusan, pamumunuan mo ang aking tahanan at babantayan mo ang aking mga hukuman, sapagkat pahihintulutan kita na pumunta at bumalik kasama nitong mga nakatayo sa aking harapan. 8 Makinig ka, Josue na punong pari, ikaw at ang iyong mga kasamahan na naninirahan sa iyo! Sapagkat ang mga taong ito ay isang katibayan, sapagkat ako mismo ang maglalabas sa aking lingkod, ang Sanga. 9 Ngayon tingnan ninyo ang bato na inilagay ko sa harapan ni Josue. Mayroong pitong tapyas sa isang batong ito, at uukitan ko ng isang tatak — ito ang pahayag ni Yahweh ng mga hukbo—at aalisin ko ang kasalanan ng lupaing ito sa loob ng isang araw. 10 Sa araw na iyon, ito ang pahayag ni Yahweh ng mga hukbo, 'aanyayahan ng bawat tao ang kaniyang kapwa upang mamahinga sa ilalim ng kaniyang puno ng ubas at ilalim ng kaniyang puno ng igos."'
Chapter 4
1 Pagkatapos ang anghel na nakikipag-usap sa akin ay bumalik at ginising ako na katulad ng isang lalaking ginising mula sa kaniyang pagkakatulog. 2 Sinabi niya sa akin, "Ano ang nakikita mo?" Sinabi ko, "Nakikita ko ang isang patungan ng lampara na gawa lahat sa ginto, may isang mangkok sa ibabaw nito. May pito itong lampara at pitong mitsa sa ibabaw ng bawat lampara. 3 Dalawang puno ng olibo ang nasa tabi nito, isa sa kanang bahagi ng mangkok at isa sa kaliwang bahagi." 4 Kaya muli akong nagsalita sa anghel na nakikipag-usap sa akin. Sinabi ko, "Ano ang kahulugan ng mga bagay na ito, aking panginoon?" 5 Sumagot ang anghel na nakikipag-usap sa akin at sinabi, "Hindi mo ba alam kung ano ang kahulugan ng mga bagay na ito?" Sinabi ko, "Hindi, aking panginoon." 6 Kaya sinabi niya sa akin, "Ito ang salita ni Yahweh kay Zerubabel: Hindi sa pamamagitan ng lakas ni sa pamamagitan ng kapangyarihan, ngunit sa pamamagitan ng aking Espiritu,' sabi ni Yahweh ng mga hukbo. 7 'Ano ka, malaking bundok? Magiging isa kang kapatagan sa harapan ni Zerubabel at ilalabas niya ang itaas na bato upang sumigaw ng, "Biyaya! Biyaya!"'" 8 Dumating sa akin ang salita ni Yahweh: 9 "Ang mga kamay ni Zerubabel ang naglatag sa pundasyon ng tahanang ito at ang kaniyang mga kamay ang tatapos nito. At malalaman mo na si Yahweh ng mga hukbo ang nagsugo sa akin sa iyo. 10 Sino ang humamak sa araw ng mga malililit na bagay? Magagalak ang mga taong ito at makikita ang pampantay na bato sa kamay ni Zerubabel. (Ang pitong lamparang ito ang mga mata ni Yahweh na naglilibot sa buong daigdig.)" 11 Pagkatapos, tinanong ko ang anghel. "Ano itong dalawang puno ng olibo na nakatayo sa kaliwa at sa kanan ng patungan ng lampara?" 12 Muli ko siyang tinanong, "Ano ang dalawang sanga ng olibo na ito sa tabi ng dalawang gintong tubo na may gintong langis na bumubuhos mula sa mga ito? 13 "Hindi mo ba alam kung ano ang mga ito?" At sinabi ko, "Hindi, aking panginoon." 14 Kaya sinabi niya, "Ito ang dalawang puno ng olibo na nakatayo upang paglingkuran ang Panginoon ng buong daigdig."
Chapter 5
1 Pagkatapos, lumingon ako at tumingala ako, at nakita ko, masdan ito, nakakita ako ng isang lumilipad na binalumbong kasulatan! 2 Sinabi sa akin ng anghel, "Ano ang nakikita mo?" Sumagot ako, "Nakikita ko ang isang lumilipad na binalumbong kasulatan, dalawampung siko ang haba at sampung siko ang lawak." 3 Pagkatapos, sinabi niya sa akin, "Ito ang sumpa na darating sa ibabaw ng buong lupain, sapagkat mula ngayon, aalisin ang bawat magnanakaw batay sa sinasabi nito sa isang panig habang aalisin ang lahat ng nangako ng isang hindi totoong panata batay sa sinasabi nito sa kabilang panig, ayon sa kanilang mga salita. 4 'Ipapadala ko ito' — ito ang pahayag ni Yahweh ng mga hukbo, 'kaya papasok ito sa tahanan ng magnanakaw at sa tahanan ng isang taong nangako ng hindi totoo sa pamamagitan ng aking pangalan. Mananatili ito sa kaniyang tahanan at tutupukin ang tabla at ang mga bato nito.'" 5 Pagkatapos, lumabas ang anghel na nakikipag-usap sa akin at sinabi sa akin, "Tumingin ka sa taas at tingnan kung ano ang dumarating!" 6 Sinabi ko, "Ano ito?" Sinabi niya, "Isang basket ito na naglalaman ng efa na paparating. Ito ang kanilang kasamaan sa buong lupain." 7 Pagkatapos, itinaas ang isang takip na tingga sa basket at may isang babae sa ilalim nito na nakaupo sa loob nito! 8 Sinabi ng anghel, "Kasamaan ito!" At itinapon niya ang babae pabalik sa loob ng basket at itinapon niya ang takip na tingga sa ibabaw nito. 9 Tumingala ako at nakita ko ang dalawang babaeng papalapit sa akin at ang hangin ay nasa kanilang mga pakpak—sapagkat may mga pakpak sila na tulad ng mga pakpak ng isang tagak. Itinaas nila ang basket sa pagitan ng lupa at langit. 10 Kaya sinabi ko sa anghel na nakikipag-usap sa akin, "Saan nila dadalhin ang basket?" 11 Sinabi niya sa akin, "Itatayo ang isang templo sa lupain ng Sinar para rito, upang kapag handa na ang templo, ilalagay doon ang basket sa inihandang patungan nito."
Chapter 6
1 Pagkatapos, lumingon ako at tumingala, nakakita ako ng apat na karwahe na palabas sa pagitan ng dalawang bundok at gawa sa tanso ang dalawang bundok. 2 Ang unang karwahe ay may mga pulang kabayo, ang pangalawang karwahe ay may mga itim na kabayo, 3 ang pangatlong karwahe ay may mga puting kabayo at ang pang-apat na karwahe ay may mga batik na kulay abo na mga kabayo. 4 Kaya sumagot ako at sinabi sa anghel na kumausap sa akin, "Ano ang mga ito, aking panginoon?" 5 Sumagot ang anghel at sinabi sa akin, "Ito ang apat na hangin ng langit na lumabas mula sa lugar kung saan sila nakatayo sa harapan ng Panginoon ng buong daigdig. 6 Ang karwahe na may mga itim na kabayo ay papunta sa hilagang bansa, ang karwahe na may mga puting kabayo ay papunta sa kanlurang bansa at ang karwahe na may mga batik na kulay abo na mga kabayo ay papunta sa bansang timog." 7 Lumabas ang mga malalakas na kabayong ito at hinangad na pumunta at maglibot sa buong daigdig, kaya sinabi ng anghel, "Humayo kayo at maglibot sa buong daigdig!" at umalis sila patungo sa buong daigdig. 8 Pagkatapos, tinawag niya ako, nagsalita at sinabi sa akin, "Tingnan mo ang mga papunta sa bansang hilaga, pahupain nila ang aking espiritu patungkol sa bansang hilaga. 9 Kaya dumating sa akin ang salita ni Yahweh at sinabi, 10 "Kumuha ka ng isang handog mula sa mga ipinatapon, mula kina Heldai, Tobias at Jedaias. Pumunta ka rin sa araw na ito at dalhin mo ito sa bahay ni Josias na anak ni Zefanias na dumating mula sa Babilonia. 11 At kunin mo ang pilak at ginto, gumawa ka ng isang korona at ilagay mo ito sa ulo ng pinakapunong pari na si Josue na anak ni Jehozadak. 12 Kausapin mo siya at sabihin, 'Sinasabi ito ni Yahweh ng mga hukbo: "Ang lalaking ito, Sanga ang kaniyang pangalan! At lalago siya kung nasaan siya at itatayo niya ang templo ni Yahweh! 13 Siya ang magtatayo ng templo ni Yahweh at magtataglay ng karangyaan nito, uupo siya at maghahari sa kaniyang trono. Siya ang magiging pari sa kaniyang trono at ang pang-unawa sa kapayapaan ang iiral sa pagitan ng dalawa. 14 Ilalagay ang isang korona sa templo ni Yahweh upang parangalan sina Heldai, Tobias at Jedaias at bilang pag-alaala sa kabutihang-loob ng anak ni Zefanias. 15 At darating ang mga nasa malayo at itatayo ang templo ni Yahweh, kaya malalaman ninyo na ipinadala ako sa inyo ni Yahweh ng mga hukbo, sapagkat mangyayari ito kung tunay kayong nakinig sa tinig ni Yahweh na inyong Diyos!"'"
Chapter 7
1 Nang apat na taon nang pinuno si Haring Dario, sa ikaapat na araw ng Kislev (kung saan ito ang ikasiyam na buwan), dumating kay Zacarias ang salita ni Yahweh. 2 Ipinadala ng mga tao ng Bethel sina Sarazer at Regem Melec at ang kanilang mga tao upang humingi ng tulong kay Yahweh. 3 Kinausap nila ang mga pari na nasa tahanan ni Yahweh ng mga hukbo at ang mga propeta, sinabi nila, "Dapat ba akong magdalamhati sa ikalimang buwan sa pamamagitan ng pag-aayuno, gaya ng ginawa ko sa loob ng maraming taon?" 4 Kaya dumating sa akin ang salita ni Yahweh ng mga hukbo at sinabi, 5 "Magsalita ka sa lahat ng tao sa lupa at sa mga pari, sabihin mo, 'Nang nag-ayuno at nagdalamhati kayo sa ikalima at ikapitong buwan sa loob ng pitumpung taon na ito, nag-aayuno ba talaga kayo para sa akin? 6 At nang kumain at uminom kayo, hindi ba kayo kumain at uminom para sa inyong mga sarili? 7 Hindi ba ito katulad ng mga salitang ipinahayag ni Yahweh sa pamamagitan ng bibig ng mga naunang propeta, nang naninirahan pa lamang kayo sa Jerusalem at sa karatig na mga lungsod sa kasaganaan at namalagi sa Negeb at sa mga paanan ng bundok sa kanluran?'" 8 Dumating ang salita ni Yahweh kay Zacarias at sinabi, 9 "Ito ang sinasabi ni Yahweh ng mga hukbo: 'Humatol nang may tunay na katarungan, katapatan sa kasunduan at habag. Gawin ito ng bawat lalaki para sa kaniyang kapatid na lalaki. 10 Tungkol naman sa balo at ulila, ang dayuhan at ang mahirap na tao, huwag silang apihin. At sa paggawa ng anumang masama sa bawat isa, hindi kayo dapat magbalak ng anumang masama sa inyong puso.' 11 Ngunit tumanggi silang magbigay ng pansin at pinatigas ang kanilang mga balikat. Pinigilan nila ang kanilang mga tainga upang hindi sila makarinig. 12 Ginawa nilang kasing tigas ng bato ang kanilang mga puso upang hindi nila marinig ang kautusan o ang mga salita ni Yahweh ng mga hukbo. Ipinadala niya ang mga mensaheng ito sa mga tao sa pamamagitan ng kaniyang Espiritu noong unang panahon, sa pamamagitan ng bibig ng mga propeta. Ngunit tumangging makinig ang mga tao, kaya nagalit sa kanila si Yahweh ng mga hukbo. 13 Nangyari ito nang tumawag siya, hindi sila nakinig. 'Sa ganoon ding paraan', sabi ni Yahweh ng mga hukbo, 'tatawag sila sa akin ngunit hindi ako makikinig. 14 Sapagkat ikakalat ko sila sa lahat ng bansa na hindi pa nila nakikita sa pamamagitan ng ipu-ipo at mapapabayaan ang lupain kapag wala na sila. Sapagkat walang sinuman ang makakadaan sa lupain o makakabalik dito yamang pinabayaan ng mga tao ang kanilang kaaya-ayang lupain.'"
Chapter 8
1 Dumating sa akin ang salita ni Yaweh ng mga hukbo at sinabi, 2 "Ito ang sinabi ni Yahweh ng mga hukbo: 'Madamdamin ako para sa Zion nang may matinding kasigasigan, at madamdamin ako para sa kaniya nang may matinding galit!' 3 Sinabi ito ni Yahweh ng mga hukbo: 'Babalik ako sa Zion at mananahan ako sa kalagitnaan ng Jerusalem, sapagkat tatawaging Lungsod ng Katotohanan ang Jerusalem at tatawaging Banal na Bundok ang bundok ni Yahweh ng mga hukbo!"" 4 Sinabi ito ni Yahweh ng mga hukbo: 'Muling magkakaroon sa mga lansangan ng Jerusalem ng mga matatandang kalalakihan at mga matatandang kababaihan at kakailanganin ng bawat tao ang isang tungkod sa kaniyang kamay dahil napakatanda na niya. 5 At mapupuno ang mga lansangan ng lungsod ng mga batang lalaki at batang babaing naglalaro dito.''' 6 ''Ito ang sinabi ni Yahweh ng mga hukbo: 'Kung may isang bagay na hindi kapani-paniwala sa mga mata ng nalalabi sa mga taong ito sa mga araw na iyon, hindi rin ba ito kapani-paniwala sa aking mga mata?"' Ito ang pahayag ni Yahweh. 7 "Ito ang sinabi ni Yahweh ng mga hukbo: 'Masdan ninyo, malapit ko ng iligtas ang aking mga tao mula sa lupaing sinisikatan ng araw at mula sa lupaing linulubugan ng araw! 8 Sapagkat ibabalik ko sila at maninirahan sila sa kalagitnaan ng Jerusalem, kaya muli silang magiging aking mga tao at ako ang magiging Diyos nila sa katotohanan at sa katuwiran!''' 9 Ito ang sinasabi ni Yahweh ng mga hukbo: Kayong ngayong nagpapatuloy sa pakikinig sa mga salita na nagmumula sa mga bibig ng mga propeta nang inilatag ang pundasyon ng aking tahanan— itong aking tahanan na Yahweh ng mga hukbo: Palakasin ninyo ang inyong mga kamay upang maitayo ang templo. 10 Sapagkat bago pa ang mga araw na iyon, walang pananim na naipon ang sinuman; walang pakinabang maging para sa mga tao o hayop. At walang kapayapaan mula sa mga kaaway para sa sinumang umaalis o dumarating. Itinakda ko ang bawat tao laban sa kaniyang kapwa. 11 Ngunit ngayon, hindi na ito tulad ng naunang mga araw, sasamahan ko ang mga nalalabi sa mga taong ito!''' Ito ang pahayag ni Yahweh ng mga hukbo. 12 '''Sapagkat maihahasik ang mga butil ng kapayapaan. Mamumunga ang umaakyat na baging ng ubas at ibibigay ng lupain ang ani nito. Ibibigay ng kalangitan ang hamog nito, sapagkat ipapamana ko ang lahat ng mga bagay na ito sa nalalabing mga taong ito. 13 Isa kayong halimbawa ng sumpa sa ibang mga bansa, sambahayan ng Juda at sambahayan ng Israel. Ngunit ngayon, ililigtas ko kayo, at pagpapalain kayo. Huwag kayong matakot; palakasin ninyo ang inyong mga kamay!''' 14 "Sapagkat ito ang sinasabi ni Yahweh ng mga hukbo:' Gaya ng aking binalak na saktan kayo nang galitin ako ng inyong mga ninuno at hindi ako naglubag ng loob,' sinabi ni Yahweh ng mga hukbo, 15 kaya binabalak ko rin sa mga panahong ito na muling gumawa ng mabuti sa Jerusalem at sa sambahayan ng Juda! Huwag kayong matakot! 16 Ito ang mga bagay na dapat ninyong gawin: Magsabi ang bawat tao ng katotohanan sa kaniyang kapwa. Humatol nang may katotohanan, katarungan, at kapayapaan sa inyong mga tarangkahan. 17 At huwag hayaan ang sinuman sa inyo na magbalak ng masama sa inyong puso laban sa inyong kapwa, ni maakit sa mga hindi totoong panunumpa, sapagkat kinamumuhian ko ang lahat ng mga bagay na ito!''' Ito ang pahayag ni Yahweh. 18 At dumating sa akin ang salita ni Yahweh ng mga hukbo at sinabi, 19 "Ito ang sinabi ni Yahweh ng mga hukbo: 'Ang mga pag-aayuno sa ika-apat na buwan, sa ika-limang buwan, sa ika-pitong buwan, at sa ika-sampung buwan ay magiging panahon ng kagalakan, kasiyahan, at masayang pagdiriwang para sa sambahayan ng Juda! Kaya ibigin ang katotohanan at kapayapaan!'''' 20 ''Ito ang sinabi ni Yahweh ng mga hukbo: 'Muling darating ang mga tao, maging ang mga naninirahan sa iba't ibang mga lungsod. 21 Pupunta ang mga naninirahan sa isang lungsod patungo sa ibang lungsod at sasabihin, ''Magmadali tayong pumunta upang humingi ng tulong kay Yahweh at upang hanapin si Yahweh ng mga hukbo! Pupunta rin kami mismo.''' 22 Darating ang maraming tao at malalakas na mga bansa upang hanapin si Yahweh ng mga hukbo sa Jerusalem at hihingi ng tulong kay Yahweh!'' 23 Ito ang sinasabi ni Yahweh ng mga hukbo: 'Sa mga panahong iyon, sampung kalalakihan mula sa bawat wika at bansa ang hahawakan nang mahigpit ang laylayan ng iyong balabal at sasabihin, "Sasama kami sa iyo, sapagkat narinig namin na kasama mo ang Diyos!'''''
Chapter 9
1 Ito ay isang pahayag na salita ni Yahweh tungkol sa lupain ng Hadrac at Damasco. Sapagkat nasa buong sangkatauhan ang mata ni Yahweh at sa lahat din ng tribo ng Israel. 2 Ang pahayag na ito ay tungkol din sa Hamat, kung saan nasa Damasco ang mga hangganan, at tungkol din ito sa Tiro at Sidon, bagaman napakatalino nila. 3 Nagtayo ang Tiro ng sarili nitong matibay na tanggulan at nagbunton ng pilak tulad ng alabok at nilinang na ginto tulad ng putik sa mga lansangan. 4 Masdan ninyo! Aalisin siya ng Panginoon at wawasakin ang kaniyang kalakasan sa dagat, upang lalamunin siya ng apoy. 5 Makikita ng Ascalon at matatakot! Labis din na manginginig ang Gaza! Mabibigo ang pag-asa ng Ekron! Mamamatay ang hari mula sa Gaza at wala nang maninirahan sa Ascalon! 6 Sinabi ni Yahweh, "Gagawa ang mga dayuhan ng kanilang mga tahanan sa Asdod at aalisin ko ang kayabangan ng mga Filisteo. 7 Sapagkat aalisin ko mula sa kanilang mga bibig ang kanilang dugo at ang kanilang mga kasuklam-suklam mula sa pagitan ng kanilang mga ngipin.'' At sila ang malalabi para sa ating Diyos tulad ng isang angkan sa Juda, at magiging katulad ng mga Jebuseo ang Ekron. 8 Sinasabi ni Yahweh, ''Magtatayo ako ng kampo sa palibot ng aking lupain laban sa mga hukbo ng kaaway kaya walang sinuman ang makadadaan o makakabalik, sapagkat walang mapang-api ang makadadaan dito kailanman. Sapagkat ngayon, babantayan ko na ang aking lupain sa pamamagitan ng aking sariling mga mata! 9 Sumigaw ka nang may labis na kagalakan, anak na babae ng Zion! Sumigaw ka nang may kasiyahan, anak na babae ng Jerusalem! Masdan ninyo! Parating sa inyo ang inyong hari nang may katuwiran at ililigtas kayo. Mapagpakumbaba at sasakay siya sa isang asno, sa anak ng isang asno. 10 At aalisin ko ang karwahe mula sa Efraim at ang kabayo mula sa Jerusalem at aalisin ang pana mula sa digmaan; sapagkat magsasalita siya ng kapayapaan sa mga bansa at mula sa bawat dagat ang kaniyang pamamahala at mula sa Ilog hanggang sa mga dulo ng daigdig! 11 At kayo, dahil sa dugo ng aking tipan sa inyo, pinalaya ko ang inyong mga bilanggo mula sa hukay kung saan walang tubig. 12 Bumalik kayo sa matibay na tanggulan, mga bilanggo ng pag-asa! Kahit ngayon, ihahayag ko na babalik ako ng dalawang beses sa inyo, 13 sapagkat binaluktot ko ang Juda bilang aking pana. Pinuno ko ang aking talanga ng palaso sa pamamagitan ng Efraim. Zion, ginising ko ang iyong mga anak na lalaki laban sa iyong mga anak na lalaki, Grecia, at ikaw Zion, ginawa kitang tulad ng espada ng isang mandirigma!'' 14 Magpapakita sa kanila si Yahweh at ipapana ang kaniyang palaso tulad ng kidlat! Sapagkat hihipan ng aking Panginoong Yahweh ang trumpeta at mauuna siya sa mga bagyo mula sa Teman. 15 Ipagtatanggol sila ni Yahweh ng mga hukbo at lilipulin nila sila at tatalunin ang mga bato ng mga tirador. Pagkatapos, iinom sila at sisigaw tulad ng mga kalalakihang lasing sa alak at mapupuno sila ng alak tulad ng mga mangkok sa altar, tulad ng mga sulok ng altar. 16 Kaya, ililigtas sila ni Yahweh na kanilang Diyos sa araw na iyon, magiging katulad sila ng isang kawan na kinabibilangan ng kaniyang mga tao, sapagkat magiging mga hiyas sila ng isang korona, na itinayo sa ibabaw ng kaniyang lupain. 17 Magiging napakabuti at napakaganda nila! Uunlad sa trigo ang mga kabataang lalaki at mga birhen sa matamis na alak!
Chapter 10
1 Humingi kayo ng ulan kay Yahweh sa panahon ng tag-ulan ng tagsibol --Si Yahweh na siyang gumagawa ng bagyo! -- at ipagkakaloob niya ang pagbuhos ng ulan para sa kanila, at sa mga pananim sa kabukiran para sa sangkatauhan. 2 Sapagkat nagsasabi ng kasinungalingan ang mga diyus-diyosang nasa sambahayan; nagsasabi ang mga manghuhula ng pangitaing kasinungalingan; nagsabi sila ng mga mapanlinlang na mga panaginip at nagbibigay ng aliw na walang kabuluhan. Kaya naliligaw sila na kagaya ng tupa at nagdurusa dahil walang pastol. 3 Nagliliyab ang aking poot laban sa mga pastol; ito ay ang mga lalaking kambing---ang mga pinuno-- na aking parurusahan. Aalagaan din ni Yahweh ng mga hukbo ang kaniyang kawan, ang sambahayan ni Juda, at gagawin silang kagaya ng kabayong pandigma sa labanan! 4 Magmumula sa kanila ang panulukang bato, magmumula sa kanila ang tulos ng tolda, magmumula sa kanila ang panang pandigma; magmumula sa kanila ang bawat pinuno. 5 Magiging kagaya sila ng mga mandirigmang tinatapakan ang kanilang mga kaaway sa maputik na mga daan sa labanan; makikipagdigma sila sapagkat nasa kanila si Yahweh, at ipahihiya nila ang mga nakasakay sa mga kabayong pandigma. 6 Palalakasin ko ang sambahayan ni Juda at ililigtas ang sambahayan ni Jose; sapagkat panunumbalikin ko sila at magkakaroon ako ng awa sa kanila. Parang hindi ko sila itinakwil, sapagkat Ako si Yahweh ang kanilang Diyos, at ako ay tutugon sa kanila. 7 At magiging katulad ng isang mandirigma ang Efraim, at magagalak ang kanilang mga puso na parang nakainom ng alak; makikita ito ng kanilang mga anak at sila ay magagalak. Magagalak ang kanilang mga puso sa akin. 8 Sisipulan ako sa sila at titipunin, sapagkat sasagipin ko sila at magiging napakarami nila kagaya ng dati. 9 Inihasik ko sila sa mga tao ngunit naalala parin nila ako sa malayong mga bansa. Kaya sila at ang kanilang mga anak ay mabubuhay at makakabalik. 10 Sapagkat panunumbalikin ko muli sila mula sa lupain ng Egipto at titipunin sila mula sa Asiria, dadalhin ko sila sa lupain ng Gilead at Lebanon hanggang sa wala nang silid para sa kanila. 11 Dadaan ako sa dagat ng kanilang kadalamhatian; hahampasin ko ang mga alon sa dagat at patutuyuin ko ang lahat ng kalaliman ng Nilo. Babagsak ang karangyan ng Asiria. At ang kapangyarihan ng setro ng Egipto ay mawawala mula sa mga taga Egipto. 12 Palalakasin ko sila sa aking sarili, at lalakad sila ayon sa aking pangalan. Ito ang pahayag ni Yahweh.
Chapter 11
1 Buksan mo ang iyong mga pintuan Lebanon, upang tupukin ng apoy ang iyong mga sedar! 2 Managhoy kayong mga puno ng sipres, sapagkat nabuwal na ang mga puno ng sedar! Ang dating karangyaan ay ganap nang nawasak. Managhoy kayo, mga ensina ng Bashan, sapagkat bumagsak na ang matatag na kagubatan. 3 Humahagulgol ang mga pastol sapagkat nawasak na ang kanilang kaluwalhatian. Ang tinig ng batang leon ay umaatungal sapagkat ganap nang nawasak ang ipinagmamalaki ng Ilog Jordan! 4 Ito ang sinabi ni Yahweh na aking Diyos: "Katulad ng isang pastol na nagbabantay sa mga kawan na nakatalaga para katayin. 5 (Ang sinumang bumili at kumatay sa mga ito ay hindi maparurusahan, at sasabihin ng mga nagbenta sa mga ito 'Purihin si Yahweh! Ako ay naging mayaman! Sapagka't walang awa sa kanila ang mga pastol na nagtatrabaho para sa kawan ng may ari.) 6 Sapagkat hindi na ako maaawa sa mga naninirahan sa lupain!" --Ito ang pahayag ni Yahweh" Tingnan mo! Ako mismo ang magpapasakamay ng bawat tao sa mga kamay ng kaniyang kapwa at sa mga kamay ng kaniyang hari. Wawasakin nila ang lupain. Hindi ko sasagipin ang Juda mula sa kanilang kamay." 7 Kaya ako ang naging pastol ng mga kawan na itinalaga upang katayin, para sa mga nagbebenta ng tupa. Kumuha ako ng dalawang tungkod; ang isang tungkod ay tinawag kong "Kagandahang loob" at ang isa ay tinawag kong "Pagkakaisa." Sa ganitong paraan ko ipapastol ang mga kawan. 8 Pinatay ko ang tatlong pastol sa loob ng isang buwan, at napagod na ako sa mga may-ari ng tupa, sapagkat kinasuklaman din nila ako. 9 At sinabi ko sa mga may-ari, "Hindi na ako makapagtatagal na magtatrabaho sa inyo bilang isang pastol. Ang mga tupang namamatay hayaan silang mamatay; ang mga tupang napapahamak hayaan silang mapahamak. Hayaan ang mga naiwang tupa na kakainin ang laman ng kanilang kapwa." 10 Kaya kinuha ko ang aking tungkod ng "Kagandahang loob" at binali ito upang baliin ang kasunduan na aking ginawa sa lahat ng aking mga tribu. 11 Sa araw na iyon ang kasunduan ay nabali, at nalaman ng mga nagtitinda ng tupa at ng mga nanonood sa akin na si Yahweh ang nagsasabi. 12 Sinabi ko sa kanila na "Kung sa palagay ninyong makakabuti sa inyo, bayaran ninyo ang aking sahod. Ngunit kung hindi, huwag ninyong gawin ito."Kaya tinimbang nila ang aking sahod, tatlumpung piraso ng pilak. 13 Pagkatapos sinabi ni Yahweh sa akin, "ilagay mo ang pilak sa kabang-yaman, ang pinakamahusay na halaga na halagang ibinigay nila sa iyo!" Kaya kinuha ko ang tatlumpung piraso ng pilak at inilagay ko sa kabang-yaman sa tahanan ni Yahweh. 14 Pagkatapos binali ko ang aking pangalawang tungkod ng "Pagkakaisa," upang baliin ang pagkakapatiran sa pagitan ng Juda at Israel. 15 Sinabi sa akin ni Yahweh, "Muli, kunin mo ang mga kagamitan ng isang hangal na pastol para sa iyong sarili. 16 Sapagkat tingnan mo, magtatalaga ako ng isang pastol sa lupain, hindi niya pangangalagaan ang mga napapahamak na tupa. Hindi niya hahanapin ang nawawalang tupa o gagamutin man ang mga pilay na tupa. Hindi niya pakakainin ang malusog na tupa, ngunit kakainin niya ang laman ng mga pinatabang tupa at tinatanggal ang kanilang mga kuko. 17 Aba sa mga walang kabuluhang pastol na pinapabayaan ang kawan! Dumating nawa ang espada laban sa kaniyang braso at sa kaniyang kanang mata. Matutuyo nawa ang kaniyang braso at mabubulag nawa ang kaniyang kanang mata!"
Chapter 12
1 Ito ang pahayag ng salita ni Yahweh tungkol sa Israel— ang pahayag ni Yahweh na siyang lumikha ng kalangitan at nagtatag sa pundasyon ng mundo, siya na lumalang sa espiritu ng sangkatauhan sa loob ng tao: 2 "Tingnan mo, gagawin kong isang tasa ang Jerusalem na magdudulot sa lahat ng mga taong nakapalibot sa kaniya para magpasuray-suray; magiging ganito rin ang Juda sa panahon ng paglusob laban sa Jerusalem. 3 Mangyayari ito sa panahong iyon na gagawin kong mabigat na bato ang Jerusalem para sa lahat ng mga tao. Ang sinumang sumubok na magbuhat sa batong iyon ay labis niyang masasaktan ang kaniyang sarili, at magsasama-sama laban sa lungsod na iyon ang lahat ng mga bansa sa mundo. 4 Ito ang pahayag ni Yahweh"— Sa araw na iyon, hahampasin ko ng malaking pagkatakot ang bawat kabayo at ng pagkabaliw ang bawat mangangabayo. Titingin ako ng may kagandahang-loob sa sambahayan ng Juda at bubulagin ang bawat kabayo ng mga hukbo. 5 At sasabihin ng mga pinuno ng Juda sa kanilang mga puso, 'Ang mga naninirahan sa Jerusalem ang aming kalakasan dahil kay Yahweh ng mga hukbo, na kanilang Diyos.' 6 Sa araw na iyon, gagawin kong parang paglutuan sa gitna ng panggatong ang mga pinuno ng Juda at parang umaapoy na sulo sa gitna ng mga nakatayong ginapas na mga trigo, sapagkat tutupukin nila ang lahat ng mga taong nakapalibot sa kanilang kanan at sa kanilang kaliwa. Muling mamumuhay ang Jerusalem sa kanilang sariling lugar. " 7 Unang ililigtas ni Yahweh ang mga tolda ng Juda, upang ang karangalan ng sambahayan ni David at ang karangalan ng mga naninirahan sa Jerusalem ay hindi magiging higit kaysa sa buong Juda. 8 Sa araw na iyon si Yahweh ang magiging taga-pagtanggol ng mga naninirahan sa Jerusalem, at sa araw na iyon ang mga mahihina sa kanila ay magiging tulad ni David, habang ang sambahayan ni David ay magiging tulad ng Diyos, tulad ng anghel ni Yahweh sa harapan nila. 9 "Mangyayari ito sa araw na iyon na sisimulan kong wasakin ang lahat ng bansa na dumating laban sa Jerusalem." 10 Ngunit ibubuhos ko ang espiritu ng pagkahabag at pagsusumamo sa sambahayan ni David at sa mga naninirahan sa Jerusalem, kaya titingin sila sa akin, na kanilang sinaksak. Tatangis sila para sa akin, gaya ng isang tumatangis para sa nag-iisang anak na lalaki; Mananaghoy sila nang may kapaitan para sa kaniya tulad ng mga nananaghoy sa pagkamatay ng panganay na anak na lalaki. 11 Sa araw na iyon ang mga panaghoy sa Jerusalem ay magiging katulad ng mga panaghoy sa Hagad-rimon sa kapatagan ng Megido. 12 Ang lupain ay tatangis, ang bawat angkan ay hiwalay mula sa ibang mga angkan. Ang angkan ng sambahayan ni David ay ihihiwalay, at ang kanilang mga asawa ay ihihiwalay mula sa mga lalaki. Ang angkan ng sambahayan ni Nathan ay ihihiwalay, at ang kanilang mga asawang babae ay ihihiwalay sa mga lalaki. 13 Ang angkan ng sambahayan ni Levi ay ihihiwalay, at ang kanilang mga asawang babae ay ihihiwalay sa mga lalaki. 14 Lahat ng natitirang mga angkan— ang bawat angkan ay ihihiwalay, at ang kanilang mga asawang babae ay ihihiwalay sa mga lalaki."
Chapter 13
1 "Sa araw na iyon, isang bukal ang bubuksan para sa sambahayan ni David at sa mga naninirahan sa Jerusalem, para sa kanilang kasalanan at karumihan. 2 At mangyayari ito sa araw na iyon, "—ito ang pahayag ni Yahweh ng mga hukbo—"na tatanggalin ko ang mga pangalan ng mga diyus-diyosan mula sa lupain upang hindi na sila maalala kailanman. Palalabasin ko rin sa lupain ang mga bulaang propeta at ang kanilang maruming espiritu. 3 Kung magpapatuloy sa pagpapahayag ang sinuman, sasabihin sa kaniya ng kaniyang ama at ina na siyang nagsilang sa kaniya, 'Hindi ka mabubuhay, sapagkat nagsalita ka ng kasinungalingan sa pangalan ni Yahweh!' At ang ama at ina na siyang nagsilang sa kaniya ang sasaksak sa kaniya kapag magpapahayag siya. 4 At mangyayari ito sa araw na iyon na ang bawat propeta ay ikakahiya ang kaniyang pangitain kapag siya ay magpapahayag na. Ang mga propetang ito ay hindi na magsusuot kailanman ng mabalahibong balabal, upang linlangin ang mga tao. 5 Sapagkat sasabihin ng bawat isa, 'Hindi ako isang propeta! Isa akong lalaking nagtatrabaho sa lupa, sapagkat ang lupa ay naging trabaho ko na nang ako ay binata pa lamang!' 6 Ngunit may isang magsasabi sa kaniya, 'Ano ang mga sugat na ito sa pagitan ng iyong mga braso?' at sasagot siya, 'Ako ay nasugatan nang nasa bahay ako ng aking mga kaibigan."' 7 "Espada! Gisingin mo ang iyong sarili labanan mo ang aking pastol, ang lalaki na nakatayo ng malapit sa akin" —Ito ang pahayag ni Yahweh ng mga hukbo." Patayin ang pastol, at ang kawan ay magkakawatak-watak! Sapagkat ipipihit ko ang aking kamay laban sa mga mahihina. 8 At mangyayari ito sa buong lupain"— ito ang pahayag ni Yahweh— "na ang dalawa sa tatlong bahagi nito ay mahihiwalay! Ang mga taong iyon ay mamatay; ang ikatlong bahagi lamang ang mananatli doon. 9 Dadalhin ko ang ikatlong bahaging iyon sa apoy at dadalisayin ang mga ito na gaya ng pagdalisay sa pilak; susubukin ko sila gaya ng pagsubok sa ginto. Tatawag sila sa aking pangalan, at sasagutin ko sila at sasabihin, 'Ito ay aking mga tao!' at sasabihin nila, 'Si Yahweh ay aming Diyos!"
Chapter 14
1 Masdan ninyo! Darating ang araw para kay Yahweh na hahatiin ang iyong sinamsam sa inyong kalagitnaan! 2 Sapagkat titipunin ko ang bawat bansa laban sa Jerusalem para sa isang labanan, at masasakop ang lungsod! Sasamsamin ang mga tahanan at gagawan ng karahasan ang mga kababaihan. Bibihagin ang kalahati ng lungsod, ngunit ang mga matitirang tao ay hindi pupuksain mula sa lungsod. 3 Ngunit lalabas si Yahweh at magtataguyod ng digmaan laban sa mga bansang iyon gaya nang pagtataguyod niya ng digmaan sa panahon ng labanan. 4 Sa araw na iyon, tatayo ang kaniyang mga paa sa Bundok ng mga Olibo, na nasa tabi ng Jerusalem sa silangan. Ang Bundok ng mga Olibo ay mahahati sa pagitan ng silangan at ng kanluran sa pamamagitan ng isang napakalaking lambak, at kalahati ng bundok ay maililipat sa dakong hilaga at ang kalahati sa dakong timog. 5 At kayo ay magsisitakas pababa sa lambak sa pagitan ng mga kabundukan ni Yahweh, sapagkat ang lambak sa pagitan ng mga bundok na iyon ay aabot hanggang sa Azal. Tatakas kayo gaya ng pagtakas ninyo mula sa lindol sa panahon ni Uzias, hari ng Juda. Pagkatapos, darating si Yahweh na aking Diyos, at kasama niya ang lahat ng mga banal. 6 Mangyayari ito sa araw na iyon na hindi na magkakaroon ng liwanag, ngunit wala nang lamig o ni tubig na namumuo sa lamig. 7 Sa araw na iyon, ang araw na si Yahweh lamang ang nakakaalam, hindi na magkakaroon ng umaga o gabi, sapagkat magiging maliwanag sa oras ng gabi. 8 At mangyayari din sa araw na iyon na ang umaagos na tubig ay dadaloy mula sa Jerusalem. Dadaloy ang kalahati ng tubig sa dagat sa silangan, at dadaloy ang kalahati sa dagat sa kanluran, tag-araw man o taglamig. 9 Si Yahweh ang magiging hari sa buong mundo. Sa araw na iyon, naroon si Yahweh, ang nag-iisang Diyos, at ang kaniyang pangalan lamang. 10 Magiging katulad ng Araba ang lahat ng lupain, mula Geba hanggang Rimmon sa timog ng Jerusalem. At patuloy na maitataas ang Jerusalem; mamumuhay siya sa kaniyang sariling lugar, mula sa Tarangkahan ng Benjamin hanggang sa dating kinaroroonan ng unang tarangkahan---na ngayon ay Tarangkahan sa Sulok, at mula sa tore ng Hananel hanggang sa mga pisaan ng ubas ng hari. 11 Maninirahan sa Jerusalem ang mga tao, at hindi na magkakaroon ng lubusang pagkawasak mula sa Diyos laban sa kanila; Mamumuhay ng ligtas ang Jerusalem. 12 Ito ang magiging salot na gagamitin ni Yahweh upang lusubin ang lahat ng tao na nakipagdigma laban sa Jerusalem, mabubulok ang kanilang laman kahit na nakatayo sila sa kanilang mga paa. Mabubulok ang kanilang mga mata sa mga ukit nito, at mabubulok ang kanilang mga dila sa loob ng kanilang mga bibig. 13 Mangyayari ito sa araw na iyon na ang lubhang pagkatakot na magmumula sa Diyos ay darating sa kanila. Susunggaban ng bawat tao ang kamay ng kaniyang kapwa; bawat kamay ay laban sa kaniyang kapwa. 14 Makikipaglaban din ang Juda sa Jerusalem. Titipunin nila ang lahat ng kayamanan ng mga karatig bansa--- ginto, pilak, at mga magagandang kasuotan na talagang sagana. 15 Magkakaroon din ng salot ang mga kabayo at ang mga mola, ang mga kamelyo at mga asno, at ang bawat hayop na naroon sa mga kampamentong iyon; dadanasin din ng mga ito ang parehong salot. 16 At mangyayari na lahat ng mananatili sa mga bansang iyon na nakipaglaban sa Jerusalem ay aakyat taun-taon upang sumamba sa hari, kay Yahweh ng mga hukbo, at upang ipagdiwang ang Pista ng mga Tolda. 17 At mangyayari na kung hindi aakyat sa Jerusalem ang sinuman mula sa lahat ng bansa sa mundo upang sumamba sa hari, kay Yahweh ng mga hukbo, hindi magbibigay ng ulan si Yahweh sa kanila. 18 At kung ang bansa ng Egipto ay hindi aakyat, hindi sila magkakaroon ng ulan. Isang salot na magmumula kay Yahweh ang lulusob sa mga bansang hindi aakyat upang ipagdiwang ang Pista ng mga Tolda. 19 Ito ang magiging parusa sa Egipto at ang parusa sa bawat bansa na hindi aakyat upang ipagdiwang ang Pista ng mga Tolda. 20 Ngunit sa araw na iyon, sasabihin ng mga kampanilya ng mga kabayo, "Naitalaga kay Yahweh," at ang mga palanggana sa tahanan ng Diyos ay magiging tulad ng mangkok sa harap ng altar. 21 Sapagkat itatalaga kay Yahweh ng mga hukbo ang bawat palayok sa Jerusalem at Juda, at ang bawat isa na magdadala ng alay ay kakain at magpapakulo sa mga ito. Hindi na magkakaroon ng mangangalakal sa tahanan ni Yahweh ng mga hukbo sa araw na iyon.