Mga Taga-Filipos
Chapter 1
1 Mula kina Pablo at Timoteo, mga lingkod ni Cristo Jesus, sa lahat ng mga nailaan kay Cristo Jesus na nasa Filipos, kasama ang mga tagapangasiwa at mga diakono. 2 Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaan mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo. 3 Nagpapasalamat ako sa aking Diyos sa bawat ala-ala ninyo. 4 Sa bawat panalangin ko para sa inyong lahat, palagi akong nananalangin nang may kagalakan. 5 Nagpapasalamat ako sa inyong pakikiisa sa ebanghelyo mula sa unang araw hanggang sa ngayon. 6 Nagtitiwala ako sa bagay na ito, na ang nagsimula ng mabuting gawain sa inyo ay ipagpapatuloy na tapusin ito hanggang sa araw ni Jesu-Cristo. 7 Tama para sa akin na maramdaman ang ganito tungkol sa inyong lahat dahil kayo ay nasa puso ko. Naging kasama ko kayong lahat sa biyaya pati sa aking pagkakakulong at sa aking pagtatanggol at pagpapatunay ng ebanghelyo. 8 Sapagkat ang Diyos ang aking saksi, kung paano ko pinananabikan na makasama kayong lahat sa kalaliman ng pag-ibig ni Cristo Jesus. 9 At ipinapanalangin ko ito: na ang inyong pag-ibig ay lalo pang sumagana sa kaalaman at sa lahat ng pang-unawa. 10 Ipinapanalangin ko ito upang masubukan ninyo at mapili ang mga bagay na mahusay. Ipinapanalangin ko ito upang kayo ay maging tapat at walang sala sa araw ni Cristo. 11 Ito rin ay upang mapuno kayo ng bunga ng katuwiran na dumarating sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, sa kaluwalhatian at kapurihan ng Diyos. 12 Ngayon, nais kong malaman ninyo mga kapatid, na ang mga bagay na nangyari sa akin ay nagbunga ng mabilis na paglaganap ng ebanghelyo. 13 Dahil ang aking pagkabilanggo dahil kay Cristo ay nalaman ng mga bantay sa buong palasyo at ng lahat. 14 At nahimok ang halos lahat ng mga kapatid sa Panginoon dahil sa aking pagkabilanggo na maglakas-loob na ipahayag ang salita nang walang takot. 15 Tunay na inihahayag ng iba si Cristo dahil sa inggit at alitan, at ang iba naman ay dahil sa mabuting kalooban. 16 Ang mga naghahayag kay Cristo dahil sa pag-ibig ay nalalaman na inilagay ako dito upang ipagtanggol ang ebanghelyo. 17 Ngunit ipinapahayag ng iba si Cristo dahil sa makasarili at hindi tapat na mga dahilan. Iniisip nilang mapapahirapan nila ako habang nasa kulungan. 18 Ano naman? Sa alinmang paraan maging sa pagkukunwari o sa katotohanan, naihahayag si Cristo, at dahil dito nagagalak ako! Oo, ako ay magagalak. 19 Sapagkat alam kong magdudulot ito sa akin ng paglaya. Mangyayari ito dahil sa inyong mga panalangin at sa tulong ng Espiritu ni Jesu-Cristo. 20 Naaayon ito sa aking matibay na inaasahan at kasiguraduhan na hindi ako mapapahiya. Sa halip, inaasahan kong maitataas si Cristo sa aking katawan, sa buhay man o sa kamatayan nang may buong tapang, na lagi naman at maging sa ngayon. 21 Sapagkat para sa akin, ang mabuhay ay kay Cristo at ang mamatay ay kapakinabangan. 22 Ngunit kung ang mabuhay sa laman ay magdudulot ng bunga sa aking paghihirap, kung gayon hindi ko alam kung ano ang pipiliin. 23 Sapagkat naguguluhan ako sa dalawang pagpipilian na ito. Gusto ko nang mamatay at makasama si Cristo, kung saan iyon ang pinakamabuti! 24 Ngunit ang manatili sa laman ay mas kinakailangan para sa inyong kapakanan. 25 Dahil nakatitiyak ako tungkol dito, alam kong mananatili ako at magpapatuloy na kasama ninyong lahat, para sa inyong paglago at kagalakan sa pananampalataya. 26 Bilang resulta, ang pagluluwalhati ninyo kay Cristo Jesus dahil sa akin ay mananagana, dahil sa muli kong presensya sa inyo. 27 Mamuhay lamang kayo na karapat-dapat sa ebanghelyo ni Cristo. Gawin ninyo ito upang kahit darating ako para makita kayo o kung wala ako, marinig ko sana ang tungkol sa kung paano kayo tumatayong matibay sa iisang espiritu. Ninanais kong marinig na kayo ay nasa iisang kaluluwa na magkakasamang nagsisikap para sa pananampalataya ng ebanghelyo. 28 At huwag kayong matakot sa anumang ginawa ng inyong mga kaaway. Para sa kanila, tanda ito ng kanilang pagkawasak. Ngunit para sa inyo, tanda ito ng inyong kaligtasan, at ito ay nagmula sa Diyos. 29 Sapagkat ipinagkaloob na ito para sa inyo, alang-alang kay Cristo, hindi lamang para maniwala sa kaniya, ngunit para magdusa rin para sa kaniya. 30 Sapagkat kayo ay may laban na gaya ng nakita ninyo sa akin, at naririnig ninyo na mayroon ako ngayon.
Chapter 2
1 Kung gayon, kung mayroon man kasiglahan kay Cristo. Kung mayroon man kaginhawahan mula sa kaniyang pagmamahal. Kung mayroon man pakikiisa sa Espiritu. Kung mayroon man mga mahinahong awa at habag. 2 Gawing ganap ang aking kasiyahan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng iisang pag-iisip, pagkakaroon ng parehong pagmamahal, nagkaisa sa espiritu, at sa pagkakaroon ng parehong layunin. 3 Huwag kayong gumawa ng kahit na ano dahil sa kasakiman o walang saysay na pagmamataas. Sa halip ay ituring ninyo nang may kababaang-loob ang iba na higit kaysa sa inyong sarili. 4 Huwag ninyong tingnan ang pansarili ninyong pangangailangan, ngunit pati na rin ang pangangailangan ng iba. 5 Mag-isip kayo tulad ng kay Cristo Jesus. 6 Nabuhay siya sa anyo ng Diyos, ngunit hindi niya itinuring ang kaniyang pagkakapantay sa Diyos bilang isang bagay na dapat niyang panghawakan. 7 Sa halip, tinanggalan niya ng kapakanan ang kaniyang sarili. Nag-anyo siya bilang isang tagapaglingkod. Nagpakita siyang kawangis ng mga tao. Nakita siya bilang anyong tao. 8 Ibinaba niya ang kaniyang sarili at naging masunurin hanggang sa kamatayan, ang kamatayan sa krus. 9 Kung kaya't lubos siyang itinaas ng Diyos. Siya ay binigyan niya ng pangalan na nakahihigit sa lahat ng pangalan. 10 Ginawa niya ito upang ang lahat ay luluhod sa pangalan ni Jesus, ang mga nasa langit at sa lupa, at ang mga nasa ilalim ng lupa. 11 Ginawa niya ito upang ang lahat ng labi ay magsasabing si Jesu-Cristo ay Panginoon, sa kaluwalhatian ng Diyos Ama. 12 Kaya, mga minamahal ko, tulad ng inyong palaging pagsunod, hindi lamang sa panahong kasama ninyo ako, ngunit mas higit pa ngayong hindi ninyo ako kasama, pagsikapan ninyo ang inyong kaligtasan nang may takot at panginginig. 13 Sapagkat ang Diyos na parehong kumikilos sa inyo upang naisin at gawin ninyo ang ipinagagawa niya alang-alang sa kaniyang ikasisiya. 14 Gawin ninyo ang lahat ng bagay nang walang pagrereklamo at pagtatalo. 15 Kumilos kayo sa ganitong paraan upang kayo ay maging walang kapintasan at tapat na mga anak ng Diyos na walang dungis. Kumilos kayo sa ganitong paraan upang kayo ay magningning tulad ng mga liwanag sa mundo, sa gitna ng baluktot at bulok na salinlahi. 16 Ipahayag ninyo ang salita ng buhay nang sa gayon ay may dahilan ako upang magluwalhati sa araw ni Cristo. Doon ko malalaman na hindi ako tumatakbo ng walang kabuluhan o gumagawa ng walang kabuluhan. 17 Ngunit kahit na ibinuhos ako bilang isang alay sa paghahandog at paglilingkod ng inyong pananampalataya, nagagalak ako, at nagagalak ako kasama ninyong lahat. 18 Sa ganitong paraan nagagalak din kayo, at nagagalak kasama ko. 19 Ngunit umaasa ako sa Panginoong Jesus na agad niyang ipadala si Timoteo sa inyo, nang sa gayon ay mapalakas din ang aking loob kapag nalaman ko ang mga bagay tungkol sa inyo. 20 Sapagkat walang ibang taong may katulad ng ugali niya, na tunay na sabik sa inyo. 21 Sapagkat lahat sila ay naghahanap ng kani-kaniyang kapakinabangan, hindi ang mga bagay na kay Jesu-Cristo. 22 Ngunit alam ninyo ang kaniyang halaga, dahil tulad ng isang anak na naglilingkod sa kaniyang ama, kaya naglingkod din siya kasama ko sa ebanghelyo. 23 Kaya umaasa akong ipadadala siya sa oras na makita ko kung paano magaganap ang mga bagay sa akin. 24 Ngunit nagtitiwala ako sa Panginoon na ako, sa aking sarili ay nalalapit na ring makarating. 25 Ngunit sa tingin ko ay kinakailangang ipadala muli si Epafrodito pabalik sa inyo. Kapatid ko siya, kapwa manggagawa, at kapwa kawal, at inyong mensahero at lingkod para sa aking mga pangangailangan. 26 Sapagkat labis siyang nabalisa, at ninais niyang makasama kayong lahat, dahil nalaman ninyo na siya ay may sakit. 27 Sa katunayan, malubha ang kaniyang karamdaman na halos ikamatay niya. Ngunit naawa ang Diyos sa kaniya, at hindi lamang sa kaniya, ngunit pati na rin sa akin, nang sa gayon ay hindi na madagdagan pa ang aking kalungkutan ng isa pang kalungkutan. 28 Kung kaya mas nakasasabik na ipadadala ko siya, nang sa gayon kung makita ninyo siyang muli ay maaari kayong magalak at ako ay higit na makakalaya sa pagkabalisa. 29 Tanggapin ninyo si Epafrodito sa Panginoon ng may buong galak. Parangalan ninyo ang mga taong katulad niya. 30 Sapagkat dahil sa gawain para kay Cristo kaya siya nalapit sa bingit ng kamatayan. Itinaya niya ang kaniyang buhay upang mapaglingkuran ako at mapunuan ang hindi ninyo kayang gawin sa paglilingkod sa akin.
Chapter 3
1 Sa wakas, mga kapatid, magalak kayo sa Panginoon. Para sa akin, hindi kaabalahan ang isulat muli ang parehong mga bagay na ito sa inyo. Pananatilihin kayong ligtas ng mga bagay na ito. 2 Mag-ingat kayo sa mga asal aso. Mag-ingat kayo sa mga gumagawa ng masama. Mag-ingat kayo sa mga paninira. 3 Sapagkat tayo ang pagtutuli. Tayo na sumasamba sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos. Tayo na ipinagmamalaki si Cristo Jesus at walang anumang pagtitiwala sa laman. 4 Gayunpaman, ako sa aking sarili ay maaaring magkaroon ng pagtitiwala sa laman. Kung iniisip ninuman na siya ay may pagtitiwala sa laman, maaari akong magkaroon ng higit pa. 5 Tinuli ako noong ika-walong araw. Ipinanganak ako sa lahi ng Israel, sa lipi ni Benjamin. Ipinanganak akong isang Hebreo ng mga Hebreo. Bilang paggalang sa kautusan, ipinanganak akong isang Pariseo. 6 Masigasig kong inusig ang iglesiya. Bilang paggalang sa katuwiran ng batas, wala akong sala. 7 Ngunit anumang mga bagay na nagbigay karangalan sa akin, itinuring kong gaya ng mga basura dahil kay Cristo. 8 Sa katunayan, ngayon ay itinuring ko ang lahat ng bagay na walang kabuluhan dahil sa kahusayan ng kaalaman ni Cristo Jesus na aking Panginoon. Binalewala ko ang lahat ng bagay para sa kaniya. Itinuring kong gaya ng mga basura ang mga ito upang makamtan ko si Cristo 9 at matagpuan ako sa kaniya. Wala akong katuwiran sa aking sarili mula sa kautusan. Sa halip, mayroon akong katuwiran sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo, ang katuwirang mula sa Diyos ayon sa pananampalataya. 10 Kaya ngayon, nais kong makilala siya at ang kapangyarihan ng kaniyang muling pagkabuhay at maging kabahagi sa kaniyang mga pagdurusa. Nais kong mabago sa pamamagitan ni Cristo tungo sa larawan ng kaniyang kamatayan, 11 upang kahit papaano maaari kong maranasan ang muling pagkabuhay sa mga patay. 12 Hindi totoo na natanggap ko na ang mga bagay na ito, o ako ay naging isang ganap. Ngunit nagsumikap ako upang aking matanggap ang anumang natanggap ko sa pamamagitan ni Cristo Jesus. 13 Mga kapatid, hindi ko iniisip na natanggap ko na ito. Ngunit mayroong isang bagay, kinakalimutan ko kung ano ang nakalipas at pinagsisikapan ko kung ano ang nasa hinaharap. 14 Nagpatuloy ako sa layunin upang makamit ang gantimpala ng pagkatawag ng Diyos, kay Cristo Jesus. 15 Lahat tayong mga matatag na, mag-isip tayo sa ganitong paraan. At kung iba ang paraan ng inyong pag-iisip tungkol sa anumang bagay, ipahahayag din iyon ng Diyos sa inyo. 16 Gayunpaman, anuman ang ating nakamit, lumakad tayo sa maayos na paraang naaayon dito. 17 Tularan ninyo ako, mga kapatid. Tingnan ninyong mabuti ang mga lumalakad sa pamamagitan ng mga halimbawang mayroon kayo sa amin. 18 Marami ang lumalakad, sila ang mga madalas kong sinasabi sa inyo, at ngayon sinasabi ko sa inyo na may kasamang pagluha—marami ang lumalakad bilang mga kaaway ng krus ni Cristo. 19 Kapahamakan ang kanilang patutunguhan. Sapagkat ang diyos nila ay ang kanilang sikmura, at ang kanilang pagmamalaki ay nasa kanilang kahihiyan. Iniisip nila ang tungkol sa mga makamundong bagay. 20 Ngunit ang ating pagkamamamayan ay sa langit, kung saan naghihintay rin tayo sa isang tagapagligtas na ang Panginoong Jesu-Cristo. 21 Babaguhin niya ang ating mga katawang lupa upang maging mga katawang binuo gaya ng kaniyang maluwalhating katawan, binuo sa pamamagitan ng lakas ng kaniyang kapangyarihan upang mapasailalim sa kaniya ang lahat ng bagay.
Chapter 4
1 Kaya nga, minamahal kong mga kapatid na aking kinasasabikan, aking kagalakan at korona. Sa paraang ito, manatili kayong matatag sa Panginoon, mga minamahal kong kaibigan. 2 Nagsusumamo ako kay Euodia, at kay Sintique na magkaroon ng parehong pag-iisip sa Panginoon. 3 Katunayan, hinihiling ko rin sa iyo, tunay kong kamanggagawa, tulungan mo ang mga babaeng ito. Sapagkat sila ang kasama kong nagsikap sa pagpapalaganap ng ebanghelyo kasama si Clemente at iba pang mga kapwa ko manggagawa, kung saan ang mga pangalan ay nasa aklat ng buhay. 4 Magalak lagi sa Panginoon. Muli kong sasabihin, magalak. 5 Hayaan ninyong makita ng lahat ng tao ang inyong kahinahunan. Malapit lamang ang Panginoon. 6 Huwag mabalisa tungkol sa anumang bagay. Sa halip, hayaan ninyong malaman ng Panginoon ang inyong mga kahilingan sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalanging may pasasalamat. 7 At ang kapayapaan ng Diyos na humihigit sa lahat ng pang-unawa, ang mag-iingat sa inyong mga puso at isipan kay Cristo Jesus. 8 Sa wakas, mga kapatid, anumang mga bagay na totoo, marangal, makatarungan, dalisay, kaibig-ibig, may mabuting ulat, kung may mga bagay na mahusay at dapat papurihan, isipin ang mga bagay na ito. 9 Ang mga bagay na natutunan at natanggap ninyo, narinig at nakita ninyo sa akin, gawin ang mga bagay na ito. Gawin ninyo ang mga bagay na inyong natutunan, natanggap, narinig at nakita sa akin. At sasainyo ang Diyos ng kapayapaan. 10 Lubos akong nagagalak sa Panginoon dahil sa wakas ay binago ninyo ang inyong pagpapahalaga para sa akin. Bagama't pinahalagahan ninyo ako noon ngunit wala kayong pagkakataon para tumulong. 11 Hindi ko sinasabi ang mga ito para sa aking mga pangangailangan. Sapagkat natutunan ko ang masiyahan sa lahat ng pangyayari. 12 Alam ko kung paano mangailangan at alam ko rin kung paano magkaroon ng kasaganaan. Sa lahat ng paraan at sa lahat ng bagay, natutunan ko ang lihim kung paano parehong kumain ng marami at magutom, paano parehong managana at mangailangan. 13 Magagawa ko ang lahat ng mga bagay sa pamamagitan niya na nagpapalakas sa akin. 14 Gayunpaman, ginawa ninyo ang mabuti sa pakikibahagi sa aking mga paghihirap. 15 At alam ninyo, kayong mga taga-Filipos, na sa simula ng ebanghelyo, nang umalis ako sa Macedonia, walang iglesya ang tumulong sa akin sa bagay ng pagbibigay at pagtatanggap maliban sa inyo lamang. 16 Kahit nang ako ay nasa Tesalonica, nagpadala kayo ng tulong para sa aking mga pangangailangan ng higit sa isang beses. 17 Hindi sa hinahanap ko ang kaloob. Sa halip, hinahanap ko ang bunga na nagpapataas ng inyong halaga. 18 Nakatanggap at nagkaroon ako ng lahat bagay. Napuno ako. Natanggap ko mula kay Epafroditus ang mga bagay na galing sa inyo. Ang mga ito ay mababangong samyo, katanggap-tanggap at kalugod-lugod na handog sa Diyos. 19 At ang aking Diyos ang magpupuno ng inyong mga pangangailangan ayon sa kaniyang mga kayamanan at kaluwalhatian kay Cristo Jesus. 20 Ngayon, nawa'y sa ating Diyos at Ama ang kaluwalhatian magpakailanman. Amen. 21 Batiin ninyo ang bawat mananampalataya kay Cristo Jesus. Binabati kayo ng mga kasamahan kong mananampalataya. 22 Binabati kayo ng lahat ng mananampalataya dito, lalo na ang mga nasa sambahayan ni Ceasar. 23 Sumainyo nawa ang biyaya ng Panginoong Jesu-Cristo.