Lucas
Chapter 1
1 Marami ang sumubok na ayusin ang salaysay tungkol sa lahat ng bagay na naganap sa amin kalagitnaan, 2 na gaya ng binigay nila sa amin, sila na sa simula pa ay naging saksi at mga lingkod ng mensahe. 3 Sa akin din naman, nang nasiyasat ko nang mabuti ang lahat ng pangyayaring ito mula pa noong simula—sa tingin ko ay mabuti na isulat ko ang mga ito ayon sa kanilang pagkasunod-sunod—pinakatanyag na Teopilo. 4 Nang sa gayon ay malaman mo ang katotohanan tungkol sa mga bagay na itinuro sa iyo. 5 Sa mga araw ni Herodes, na hari ng Judea, may isang pari na nagngangalang Zacarias na nagmula sa pangkat ni Abias. Ang kaniyang asawa ay nagmula sa mga babaeng anak ni Aaron, at ang kaniyang pangalan ay Elisabet. 6 Kapwa sila matuwid sa harapan ng Diyos; sila ay namuhay nang walang kapintasan sa lahat ng mga utos at alituntunin ng Panginoon. 7 Ngunit wala silang anak, sapagkat si Elisabet ay baog, at silang dalawa ay matanda na sa panahong ito. 8 Ngayon ay nangyari na si Zacarias ay nasa presensiya ng Diyos, gumagawa ng mga tungkulin bilang pari sa kapanahunan ng kaniyang pangkat. 9 Ayon sa nakaugaliang paraan ng pagpili kung sinong pari ang maglilingkod, siya ay pinili sa pamamagitan ng sapalaran upang makapasok sa templo ng Panginoon at upang siya ay makapagsunog ng insenso. 10 Napakaraming tao ang nananalangin sa labas sa oras ng pagsusunog ng insenso. 11 Ngayon, isang anghel ng Panginoon ay nagpakita sa kaniya at tumayo sa kanang bahagi ng altar ng insenso. 12 Si Zacarias ay nasindak nang makita niya ito, labis ang pagkatakot niya. 13 Ngunit sinabi ng anghel sa kaniya "Huwag kang matakot Zacarias, sapagkat ang iyong panalangin ay pinakinggan. Ipagbubuntis ng asawa mong si Elisabet ang iyong anak na lalaki. Juan ang ipapangalan mo sa kaniya. 14 Magkakaroon ka ng kagalakan at saya, at marami ang matutuwa sa pagsilang sa kaniya. 15 Sapagkat siya ay magiging dakila sa paningin ng Panginoon. Hindi siya iinom ng alak o matapang na inumin, at siya ay mapupuspos ng Banal na Espiritu mula sa sinapupunan ng kaniyang ina. 16 At maraming tao sa bayan ng Israel ang mapapanumbalik sa Panginoon na kanilang Diyos. 17 Mauuna siya sa Panginoon, taglay ang espiritu at kapangyarihan ni Elias. Gagawin niya ito upang mapanumbalik ang puso ng mga ama sa mga anak, upang ang mga hindi sumusunod ay mamuhay sa karunungan ng mga matuwid. Gagawin niya ito upang ihanda para sa Panginoon, ang mga taong inihanda na para sa kaniya." 18 Sinabi ni Zacarias sa anghel, "Paano ko malalaman ito? Sapagkat ako ay matanda na at ang aking asawa ay may pataw na ng maraming taon." 19 Ang anghel ay sumagot at sinabi sa kaniya, "Ako si Gabriel na nakatayo sa presensiya ng Diyos. Ako ay inutusan upang makipag-usap sa iyo, upang iparating sa iyo ang mabuting balita. 20 Masdan mo, magiging pipi ka, hindi ka makapagsasalita hanggang sa araw na maganap ang mga bagay na ito. Ito ay dahil sa hindi ka naniwala sa aking mga salita na matutupad ito sa tamang panahon." 21 Ngayon ay inaantay ng mga tao si Zacarias. Sila ay nagulat sapagkat siya ay labis na gumugol ng panahon sa loob ng templo. 22 Ngunit nang siya ay lumabas, hindi siya makapagsalita sa kanila. Naisip ng mga tao na nagkaroon siya ng pangitain habang siya ay nasa loob ng templo. Patuloy siyang gumagawa ng mga senyas sa kanila at nanatiling hindi makapagsalita. 23 Dumating ang panahon na natapos ang mga araw ng kaniyang paglilingkod, umalis siya at bumalik sa kaniyang bahay. 24 Pagkatapos ng mga araw na iyon, ang kaniyang asawang si Elisabet ay nagbuntis. Siya ay nanatili sa kaniyang bahay sa loob ng limang buwan. Sinabi niya, 25 "Ito ang ginawa ng Panginoon sa akin nang tiningnan niya ako nang may biyaya upang tanggalin ang aking kahihiyan sa harapan ng ibang tao." 26 Ngayon sa kaniyang ikaanim na buwan, ang anghel na si Gabriel ay inutusan ng Diyos sa isang lungsod sa Galilea na ang pangalan ay Nazaret, 27 sa isang birhen na nakatakdang ikasal sa lalaking nagngangalang Jose. Siya ay kabilang sa angkan ni David at ang pangalan ng birhen ay Maria. 28 Siya ay lumapit sa kaniya at sinabi, "Binabati kita, ikaw ay lubos na pinagpala! Ang Panginoon ay nasa iyo." 29 Ngunit siya ay lubhang naguluhan sa kaniyang sinabi at siya ay namangha kung anong uri ng pagbati ito. 30 Sinabi ng anghel sa kaniya, "Huwag kang matakot, Maria, dahil ikaw ay nakatanggap ng biyaya sa Diyos." 31 At makikita mo, ikaw ay magbubuntis sa iyong sinapupunan at magsisilang ng isang anak na lalaki. Tatawagin mo ang kaniyang pangalan na 'Jesus'. 32 Siya ay magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataas-taasan. Ang Panginoong Diyos ang magbibigay sa kaniya ng trono ng kaniyang ninunong si David. 33 Siya ay maghahari sa mga angkan ni Jacob magpakailanman, at walang katapusan ang kaniyang kaharian." 34 Sinabi ni Maria sa anghel, "Paano mangyayari ito, yamang hindi pa naman ako nakitabi kasama ang sinumang lalaki?" 35 Sumagot ang anghel at sinabi sa kaniya, "Ang Banal na Espirito ay darating sa iyo, at ang kapangyarihan ng Kataas-taasan ay mapapasaiyo. Kaya ang banal na isisilang, ay tatawaging Anak ng Diyos. 36 At tingnan mo, ang iyong kamag-anak na si Elisabet ay nagbuntis din ng isang anak na lalaki sa kaniyang katandaan. Ito na ang kaniyang ikaanim na buwan, siya na tinawag na baog. 37 Sapagkat walang hindi kayang gawin ang Diyos." 38 Sinabi ni Maria, "Tingnan mo, ako ay babaeng lingkod ng Panginoon. Mangyari nawa sa akin ayon sa iyong mensahe." At iniwan na siya ng anghel. 39 Pagkatapos, si Maria ay gumayak noong mga araw na iyon at nagmadaling pumunta sa maburol na bahagi ng lupain, sa isang lungsod sa Judea. 40 Siya ay pumunta sa bahay ni Zacarias at binati si Elisabet. 41 At nangyari nga nang marinig ni Elisabet ang pagbati ni Maria, lumukso ang bata sa kaniyang sinapupunan at si Elisabet ay napuspos ng Banal na Espiritu. 42 Ang kaniyang tinig ay tumaas at nagsabi nang malakas, "Pinagpala ka sa lahat ng mga babae at Pinagpala din ang bunga ng iyong sinapupunan. 43 At bakit ito nangyari sa akin na ang ina ng aking Panginoon ay kailangan pang pumunta sa akin? 44 Sapagkat tingnan mo, nang marinig ko ang iyong pagbati ay tumalon sa galak ang bata sa aking sinapupunan. 45 At pinagpala ang siyang nanampalataya na mayroong katuparan ang mga bagay na ipinahayag sa kaniya mula sa Panginoon." 46 Sinabi ni Maria, "Ang kaluluwa ko ay nagpupuri sa Panginoon, 47 at ang aking espiritu ay nagalak sa Diyos na aking tagapagligtas." 48 Sapagkat siya ay tumingin sa kababaan ng kaniyang lingkod na babae. Kaya tingnan mo, mula ngayon ang lahat ng salinlahi ay tatawagin akong pinagpala. 49 Sapagkat siya na makapangyarihan ay gumawa ng mga kahanga-hangang bagay para sa akin, at ang kaniyang pangalan ay banal. 50 Ang kaniyang habag ay walang katapusan mula sa lahat ng salinlahi para sa mga nagpaparangal sa kaniya. 51 Nagpakita siya ng lakas ng kaniyang mga bisig; ikinalat niya ang mga nagmamataas ng nilalaman ng kanilang mga puso. 52 Pinabagsak niya ang mga prinsipe mula sa kanilang mga trono at itinaas niya ang mga may mababang kalagayan. 53 Binusog niya ng mabubuting bagay ang mga nagugutom, ngunit ang mga mayayaman ay pinaalis niyang gutom. 54 Nagkaloob siya ng tulong sa Israel na kaniyang lingkod, na gaya ng pag-alaala niya sa kaniyang pagpapakita ng habag 55 (na sinabi niya sa ating mga ama) kay Abraham at sa kaniyang kaapu-apuhan magpakailanman." 56 Nanatili si Maria kina Elisabet sa loob ng mga tatlong buwan at pagkatapos ay bumalik siya sa kaniyang bahay. 57 Ngayon ay dumating ang panahon ng panganganak ni Elisabet at nagsilang siya ng isang lalaki. 58 Narinig ng kaniyang mga kapitbahay at mga kamag-anak na ang Panginoon ay nagpakita ng dakilang habag para sa kaniya, at sila ay nagalak kasama niya. 59 Ngayon ay nangyari sa ikawalong araw na tuliin nila ang sanggol. Tatawagin sana nila siyang "Zacarias" mula sa pangalan ng kaniyang ama, 60 ngunit sumagot ang kaniyang ina at sinabi, "Hindi; siya ay tatawaging Juan." 61 Sinabi nila sa kaniya, "Wala pa ni isa sa iyong angkan ang tinawag sa ganyang pangalan." 62 Sumenyas sila sa kaniyang ama kung ano ang gusto niyang ipangalan sa kaniya. 63 Humingi ang kaniyang ama ng isang sulatan at nagsulat siya, "Ang kaniyang pangalan ay Juan." Silang lahat ay namangha dito. 64 Agad nabuksan ang kaniyang bibig at napalaya ang kaniyang dila. Nagsalita at nagpuri sa Diyos. 65 Natakot ang lahat ng nakatira malapit sa kanila. Lahat ng mga bagay na ito ay kumalat sa lahat ng bahagi ng maburol na lupain ng Judea. 66 At ito ay itinago ng lahat ng nakarinig sa kanilang mga puso, na nagsasabi, "Ano kaya ang magiging kapalaran ng batang ito?" Sapagkat ang kamay ng Panginoon ay nasa kaniya. 67 Ang kaniyang amang si Zacarias ay napuspos ng Banal na Espiritu at nagpahayag na nagsasabi, 68 "Purihin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel, sapagkat tumulong siya at tinubos ang kaniyang mga tao. 69 Itinaas niya ang isang sungay ng kaligtasan para sa atin sa bahay ng kaniyang lingkod na si David, mula sa kaapu-apuhan ng kaniyang lingkod na si David, 70 tulad ng sinabi niya sa pamamagitan ng bibig ng kaniyang mga banal na propeta noong sinaunang panahon. 71 Magdadala siya ng kaligtasan mula sa ating mga kaaway at mula sa kamay ng lahat ng mga galit sa atin. 72 Gagawin niya ito upang ipakita ang habag sa ating mga ama at upang alalahanin ang kaniyang banal na kasunduan, 73 ang pangako na kaniyang sinalita kay Abraham na ating ama. 74 Siya ay nangako na kaniyang tutuparin sa atin, upang tayo, bilang mga pinalaya mula sa kamay ng lahat ng ating mga kaaway, ay makapaglingkod sa kaniya nang walang takot, 75 sa kabanalan at katuwiran sa kaniyang harapan sa lahat ng ating panahon. 76 Oo, at ikaw, anak, ay tatawaging propeta ng Kataas-taasan, sapagkat ikaw ay mauuna sa Panginoon upang ihanda ang kaniyang mga daraanan, upang ihanda ang mga tao sa kaniyang pagdating, 77 upang magbigay kaalaman ng kaligtasan sa kaniyang mga tao sa pamamagitan ng kapatawaran ng kanilang mga kasalanan. 78 Mangyayari ito dahil sa dakilang habag ng ating Diyos, dahil dito ay dumarating sa atin ang pagsikat ng araw mula sa itaas, 79 upang magliwanag sa kanila na nakaupo sa kadiliman at sa anino ng kamatayan. Gagawin niya ito upang gabayan ang ating mga paa sa daan ng kapayapaan." 80 Ngayon ang bata ay lumaki at naging malakas sa espiritu, at siya ay nasa ilang hanggang sa kaniyang pagharap sa Israel.
Chapter 2
1 Ngayon sa mga araw na iyon, nangyari na si Cesar Agustus ay naglabas ng isang batas na nag-uutos na magkaroon ng sensus sa lahat ng tao na nabubuhay sa mundo. 2 Ito ang unang sensus na ginawa habang si Cirenio ang gobernador ng Syria. 3 Kaya pumunta ang bawat isa sa kaniyang sariling bayan upang mailista para sa sensus. 4 Si Jose ay umalis din mula sa lungsod ng Nazaret sa Galilea at naglakbay papunta sa Betlehem na bayan ng Judea na kilala bilang lungsod ni David, dahil siya ay kaapu-apuhan mula sa pamilya ni David. 5 Pumunta siya doon upang magpalista kasama si Maria na nakatakdang ikasal sa kaniya at kasalukuyang nagdadalang tao. 6 At nangyari nang habang sila ay naroroon, dumating ang oras para ipanganak niya ang kaniyang sanggol. 7 Siya ay nagsilang ng anak na lalaki, ang kaniyang panganay na anak, at maayos niya itong binalot ng pirasong tela. Pagkatapos ay inilagay niya ito sa sabsaban dahil wala nang bakanteng silid para sa kanila sa bahay-panuluyan. 8 Sa rehiyon ding iyon, may mga pastol na naninirahan sa parang at nagbabantay sa kanilang mga kawan ng tupa sa gabi. 9 Biglang lumitaw sa kanila ang isang anghel ng Panginoon, at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay nagliwanag sa palibot nila at lubha silang natakot. 10 Pagkatapos, sinabi ng anghel sa kanila, "Huwag kayong matakot, sapagkat ako ay may dala sa inyong mabuting balita na magbibigay ng lubos na kagalakan sa lahat ng tao. 11 Ngayong araw, isang tagapagligtas ang ipinanganak para sa inyo sa lungsod ni David! Siya si Cristo ang Panginoon! 12 Ito ang palatandaan na maibibigay sa inyo, matatagpuan ninyo ang isang sanggol na nababalot ng pirasong tela na nakahiga sa isang sabsaban." 13 Kasama ng anghel, biglang may malaking bilang ng hukbong makalangit na nagpupuri sa Diyos, at sinasabi, 14 "Kaluwalhatian sa Diyos sa kaitaasan, at nawa ay magkaroon ng kapayapaan dito sa lupa sa mga tao na kaniyang kinalulugdan." 15 At nangyari nang umalis ang mga anghel mula sa kanila patungong langit, sinabi ng mga pastol sa bawat isa, "Tayo na pumunta sa Betlehem, at tingnan ang bagay na ito na nangyari na ipinaalam ng Panginoon sa atin". 16 Sila ay nagmadaling pumunta doon at natagpuan sina Maria at Jose, at nakita ang sanggol na nakahiga sa sabsaban. 17 Pagkatapos nilang makita ito, ipinaalam nila sa mga tao kung ano ang sinabi sa kanila tungkol sa batang ito. 18 Lahat ng nakarinig nito ay namangha sa sinabi sa kanila ng mga pastol. 19 Ngunit laging iniisip ni Maria ang lahat ng bagay na kaniyang narinig, iniingatan ang mga ito sa kaniyang puso. 20 Bumalik ang mga pastol na niluluwalhati at pinupuri ang Diyos sa lahat ng kanilang narinig at nakita, tulad ng sinabi sa kanila. 21 Noong ikawalong araw at siyang panahon para tuliin ang sanggol, pinangalanan nila siyang Jesus, ang pangalan na ibinigay ng anghel bago pa siya ipinagbuntis. 22 Nang lumipas ang nakatakdang bilang ng mga araw ng kanilang seremonya ng paglilinis, alinsunod sa kautusan ni Moises, dinala siya ni Jose at Maria sa templo sa Jerusalem para iharap siya sa Panginoon. 23 Sapagkat nasusulat sa kautusan ng Panginoon, "Ang bawat anak na lalaki na nagbubukas sa sinapupunan ay tatawaging nakatalaga sa Panginoon." 24 Sila rin ay dumating upang mag-alay ng handog na alinsunod sa sinabi sa kautusan ng Panginoon, "dalawang kalapati o dalawang inakay na batu-bato." 25 Masdan ito, may isang lalaki sa Jerusalem na ang pangalan ay Simeon. Ang taong ito ay matuwid at may taos na pananalig. Siya ay naghihintay sa manga-aliw ng Israel, at ang Banal na Espiritu ay nasa kaniya. 26 Ipinahayag sa kaniya ng Banal na Espiritu na hindi siya mamamatay bago niya makita ang Cristo ng Panginoon. 27 Isang araw, siya ay pumunta sa templo sa pangunguna ng Banal na Espiritu. Nang dinala ng mga magulang ang bata na si Jesus upang gawin para sa kaniya ang nakaugaliang hinihingi ng kautusan, 28 tinanggap siya ni Simeon sa kaniyang mga bisig, at nagpuri sa Diyos at sinabi, 29 "Ngayon ay hayaan mong pumanaw ang iyong lingkod nang may kapayapaan, Panginoon, ayon sa iyong salita. 30 Sapagkat nakita ng aking mga mata ang iyong pagliligtas 31 na iyong inihanda sa paningin ng lahat ng tao. 32 Siya ay liwanag para sa paghahayag sa mga Gentil at kaluwalhatian ng iyong mga taong Israel." 33 Ang ama at ina ng bata ay namangha sa mga bagay na sinabi tungkol sa kaniya. 34 Pagkatapos ay pinagpala sila ni Simeon at sinabi niya kay Maria na ina ng bata, "Makinig kang mabuti! Ang batang ito ay nakatadhana para sa pagbagsak at pagbangon ng maraming tao sa Israel at para sa tanda na tututulan. 35 Gayundin, isang espada ang tatagos sa iyong sariling kaluluwa, upang ang mga iniisip ng maraming puso ay maihayag. 36 Naroon din ang isang babaeng propeta na ang pangalan ay Ana. Siya ay anak ni Fanuel na nagmula sa tribo ni Aser. Napakatanda na niya. Siya ay namuhay kasama ng kaniyang asawa sa loob ng pitong taon pagkatapos ng kaniyang pag-aasawa, 37 at pagkatapos ay balo ng walumpu't apat na taon. Hindi siya kailanman umalis sa templo at patuloy siyang sumasamba sa Diyos sa pamamagitan ng pag-aayuno at pananalangin, gabi at araw. 38 Sa oras ding iyon, lumapit siya sa kanila at nagsimulang magpasalamat sa Diyos. Siya ay nagsalita tungkol sa bata sa lahat ng naghihintay para sa katubusan ng Jerusalem. 39 Nang matapos nila ang lahat ng dapat nilang gawin na naaayon sa kautusan ng Panginoon, bumalik sila sa Galilea, sa kanilang sariling bayan na Nazaret. 40 Ang bata ay lumaki at naging malakas, lumalawak sa karunungan at ang biyaya ng Diyos ay nasa kaniya. 41 Ang kaniyang mga magulang ay pumupunta sa Jerusalem taon-taon para sa Pista ng Paskwa. 42 Nang siya ay labindalawang taong gulang, sila ay muling umakyat para sa nakaugaliang panahon para sa pista. 43 Pagkatapos nilang manatili sa buong bilang ng araw para sa pista, nagsimula na silang umuwi. Ngunit ang batang Jesus ay nanatili sa Jerusalem at ito ay hindi alam ng kaniyang mga magulang. 44 Inakala nila na siya ay nasa pangkat na kasama nilang naglalakbay, kaya sila ay nagpatuloy ng isang araw sa paglalakbay. Pagkatapos ay nagsimula silang hanapin siya sa kanilang mga kamag-anak at kaibigan. 45 Nang siya ay hindi nila matagpuan, bumalik sila sa Jerusalem at sinimulang hanapin siya roon. 46 At nangyari nga na makalipas ang tatlong araw, natagpuan nila siya sa loob ng templo na nakaupo sa gitna ng mga guro, nakikinig sa kanila at nagtatanong sa kanila ng mga katanungan. 47 Lahat ng nakarinig sa kaniya ay namangha sa kaniyang pang-unawa at sa kaniyang mga kasagutan. 48 Nang siya ay nakita nila, nagulat sila. Sinabi sa kaniya ng kaniyang ina, "Anak, bakit mo kami pinakitunguhan ng ganito? Makinig ka, ako at ang iyong ama ay nag-aalala na naghahanap sa iyo." 49 Sinabi niya sa kanila, "Bakit ninyo ako hinahanap? Hindi ba ninyo alam na ako ay dapat na narito sa bahay ng aking Ama?" 50 Ngunit hindi nila naintindihan ang ibig niyang sabihin sa mga salitang iyon. 51 Pagkatapos, siya ay sumama sa kanila pabalik sa kanilang tahanan sa Nazaret at naging masunurin sa kanila. Iningatan ng kaniyang ina ang lahat ng bagay na ito sa kaniyang puso. 52 At si Jesus ay patuloy na lumaki sa karunungan at pangangatawan at lalong kinalugdan ng Diyos at ng mga tao.
Chapter 3
1 Ngayon, sa ika-labinlimang taon na paghahari ni Tiberio Cesar, habang si Poncio Pilato ay gobernador sa Judea, at si Herodes ang tetrarka sa Galilea, at ang kaniyang kapatid na si Felipe ang tetrarka sa rehiyon ng Iturea at Traconite, at si Lisanias ang tetrarka sa Abilinia, 2 at sa panahon na sina Anas at Caifas ang pinakapunong pari, dumating ang salita ng Diyos ay kay Juan na anak ni Zacarias, sa ilang. 3 Siya ay naglakbay sa buong rehiyon sa palibot ng ilog Jordan, nangangaral ng bautismo ng pagsisisi para sa kapatawaran ng mga kasalanan. 4 Gaya ito ng nasusulat sa libro ng mga salita ni propeta Isaias, "Ang tinig ng isang sumisigaw sa ilang, 'Ihanda ang daraanan ng Panginoon, gawing tuwid ang kaniyang landas. 5 Ang bawat lambak ay mapupunan, ang bawat bundok at burol ay gagawing patag, ang mga likong daan ay magiging tuwid, at ang mga daang baku-bako ay gagawing maayos. 6 Ang lahat ng tao ay makikita ang pagliligtas ng Diyos." 7 Kaya sinabi ni Juan sa napakaraming bilang ng tao na dumarating upang magpabautismo sa kaniya, "Kayo na mga anak ng mga makamandag na ahas, sino ang nagbabala sa inyo na tumakas sa poot na paparating?" 8 Mamunga kayo ng karapat-dapat sa pagsisisi, at huwag ninyong simulan na sabihin sa inyong mga sarili, 'Mayroon tayong Abraham bilang ama natin,' dahil sinasabi ko sa inyo na ang Diyos ay may kakayahang lumikha ng mga anak para kay Abraham kahit pa mula sa mga batong ito. 9 Ang palakol ay nailagay na sa ugat ng mga puno. Kaya ang bawat puno na hindi namumunga nang mabuti ay puputulin at itatapon sa apoy." 10 At ang maraming tao ay nagtanong sa kaniya, nagsasabi "Ano ang dapat naming gawin?" 11 Siya ay sumagot at sinabi sa kanila, "Kung ang isang tao ay may dalawang tunika, dapat niyang ibigay ang isa sa sinumang wala nito at sinuman ang may pagkain ay ganoon din ang dapat gawin." 12 At may ilang mga maniningil ng buwis ang dumating upang mabautismuhan, at sinabi nila sa kaniya, "Guro, ano ang dapat naming gawin?" 13 Sinabi niya sa kanila, "Huwag kayong maningil nang higit sa dapat ninyong sinisingil." 14 May ilang mga kawal rin ang nagtanong sa kaniya, nagsasabi, "At paano naman kami? Ano ang dapat naming gawin?" Sinabi niya sa kanila. "Huwag kayong kumuha ng salapi kanino man nang sapilitan, at huwag ninyong paratangan ang sinuman ng hindi totoo. Masiyahan kayo sa inyong mga sahod." 15 Ngayon, habang ang mga tao ay sabik na naghihintay na dumating si Cristo, nagtataka ang bawat isa sa kanilang mga puso kung si Juan mismo ang Cristo. 16 Sinagot sila ni Juan na nagsabi sa kanilang lahat, "Para sa akin, binabautismuhan ko kayo ng tubig, ngunit may isang paparating na mas higit na makapangyarihan kaysa sa akin, at hindi ako karapat-dapat na magkalag man lang ng tali ng kaniyang mgapnyapaks. Siya ang magbabautismo sa inyo ng Banal na Espiritu at ng apoy. 17 Ang kaniyang kalaykay ay hawak niya sa kaniyang kamay upang linisin nang mabuti ang kaniyang giikan at upang tipunin ang trigo sa kaniyang kamalig. Ngunit susunugin niya ang dayami sa apoy na hindi mamamatay kailanman." 18 Sa pamamagitan ng iba pang madaming panghihikayat, ipinangaral niya ang magandang balita sa mga tao. 19 Sinaway din ni Juan si Herodes na tetrarka, dahil pinakasalan niya ang asawa ng kaniyang kapatid na lalaki, na si Herodias, at sa lahat ng iba pang kasamaan na ginawa ni Herodes. 20 Ngunit gumawa pa ng napakasamang bagay si Herodes. Ipinakulong niya sa bilangguan si Juan. 21 At nangyari ngang habang ang lahat ng tao ay binabautismuhan, si Jesus ay nabautismuhan din. Habang siya ay nananalangin, ang kalangitan ay bumukas. 22 Ang Banal na Espiritu ay bumaba sa kaniya na may anyo na gaya ng kalapati, habang may isang tinig ang nanggaling sa langit, "Ikaw ang aking minamahal na Anak. Lubos akong nalulugod sa Iyo." 23 Ngayon si Jesus mismo, nang siya ay nagsimulang magturo, ay nasa edad na tatlumpung taon. Siya ang anak na lalaki (ayon sa pagpapalagay ng mga tao) ni Jose na anak ni Eli 24 na anak ni Matat na anak ni Levi na anak ni Melqui na anak ni Janai na anak ni Jose 25 na anak ni Matatias na anak ni Amos na anak ni Nahum na anak ni Esli na anak ni Nagai 26 na anak ni Maat na anak ni Matatias na anak ni Semei na anak ni Josec na anak ni Joda 27 na anak ni Joanan na anak ni Resa na anak ni Zerubabel na anak ni Salatiel na anak ni Neri 28 na anak ni Melqui na anak ni Adi na anak ni Cosam na anak ni Elmadam na anak ni Er 29 na anak ni Josue na anak ni Eliezer na anak ni Jorim na anak ni Matat na anak ni Levi 30 na anak ni Simeon na anak ni Juda na anak ni Jose na anak ni Jonam na anak ni Eliaquim 31 na anak ni Melea na anak ni Menna na anak ni Matata na anak ni Natan na anak ni David 32 na anak ni Jesse na anak ni Obed na anak ni Boaz, na anak ni Salmon na anak ni Naason 33 na anak ni Aminadab na anak ni Admin na anak ni Arni na anak ni Esrom na anak ni Farez na anak ni Juda 34 na anak ni Jacob na anak ni Isaac na anak ni Abraham na anak ni Terah na anak ni Nahor 35 na anak ni Serug na anak ni Reu na anak ni Peleg na anak ni Eber na anak ni Sala, 36 na anak ni Cainan na anak ni Arfaxad na anak ni Shem na anak ni Noe na anak ni Lamec na anak ni Metusalem na anak ni Enoc 37 na anak ni Jared na anak ni Mahalaleel na anak ni Kenan 38 na anak ni Enos na anak ni Set na anak ni Adan na anak ng Diyos.
Chapter 4
1 Nang si Jesus ay na puspos ng Banal na Espiritu, bumalik siya mula sa ilog Jordan at pinangunahan ng Espiritu sa ilang 2 sa loob ng apatnapung araw at siya ay tinukso ng diyablo. Sa mga araw na iyon, hindi siya kumain ng anuman at sa huling mga araw siya ay nagutom. 3 Sinabi ng diyablo sa kaniya, "Kung ikaw ang Anak ng Diyos, utusan mo ang batong ito na maging tinapay." 4 Sinagot siya ni Jesus, "Nasusulat, 'Hindi lang sa tinapay nabubuhay ang tao."' 5 At dinala siya ng diyablo sa mataas na lugar, at ipinakita sa kaniya ang lahat ng mga kaharian ng mundo nang ilang sandali. 6 Sinabi ng diyablo sa kaniya, "Bibigyan kita ng kapangyarihang mamuno sa lahat ng mga kahariang ito, pati na ang kanilang kadakilaan. Kaya kong gawin ito dahil ibinigay ang mga ito sa akin upang pamunuan, at maaari ko itong ibigay sa sinumang gustuhin ko. 7 Kaya kung ikaw ay yuyuko at sasamba sa akin, ang lahat ng ito ay mapapasaiyo." 8 Ngunit sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya, "Nasusulat, 'Dapat mong sambahin ang Panginoon mong Diyos, at siya lang ang dapat mong paglingkuran."' 9 Pagkatapos dinala ng diyablo si Jesus sa Jerusalem at inilagay siya sa pinakamataas na bahagi ng templo, at sinabi sa kaniya, "Kung ikaw ang Anak ng Diyos, magpatihulog ka mula dito, 10 Sapagkat nasusulat, 'Uutusan niya ang kaniyang mga anghel upang alagaan ka at ingatan ka,' 11 at, 'Iaangat ka nila sa kanilang mga kamay, upang hindi tumama ang iyong paa sa bato '." 12 Sumagot si Jesus na sinabi sa kaniya, "Nasasabi, 'Hindi mo dapat subukin ang Panginoon mong Diyos."' 13 Nang matapos tuksuhin ng diyablo si Jesus, umalis siya at iniwanan siya hanggang sa ibang pagkakataon. 14 Pagkatapos, bumalik si Jesus sa Galilea as kapangyarihan ng Espiritu, at kumalat ang balita tungkol sa kaniya sa buong paligid ng rehiyon. 15 Nagturo siya sa kanilang mga sinagoga, at ang bawat isa ay nagpuri sa kaniya. 16 Isang araw, siya ay pumunta sa Nazaret, ang lungsod na kung saan siya pinalaki. Sa kaniyang nakagawian, pumasok siya sa sinagoga sa Araw ng Pamamahinga, at tumayo upang basahin ang kasulatan. 17 Ang balumbon ni propeta Isaias ay iniabot sa kaniya, kaya binuksan niya ang balumbon at nakita ang bahagi kung saan nakasulat, 18 "Ang Espiritu ng Panginoon ay nasa akin, dahil itinalaga niya ako upang ipangaral ang magandang balita sa mga mahihirap. Isinugo niya ako upang ipahayag ang kalayaan sa mga bihag, at manumbalik ang paningin ng mga bulag, upang palayain ang mga inaapi, 19 ipahayag ang pinagpalang panahon ng Panginoon." 20 Pagkatapos ay inirolyo niya ang kasulatang binalumbon, ibinalik sa tagapangasiwa ng sinagoga, at umupo. Ang mga mata ng lahat ng tao sa sinagoga ay nakatuon sa kaniya. 21 Siya ay nagsimulang magsalita sa kanila, "Ngayon itong kasulatan ay natupad sa inyong pandinig." 22 Bawat isa sa kanila ay nasaksihan ang lahat ng kaniyang mga sinabi at lahat sila ay namangha sa mga mapagpalang salitang lumalabas sa kaniyang bibig. Sinasabi nila, "Ito ay anak lamang ni Jose, hindi ba?" 23 Sinabi ni Jesus sa kanila, "Tinitiyak kong sasabihin ninyo ang kawikaang ito sa akin, 'Manggagamot, gamutin mo ang iyong sarili. Anuman ang aming narinig na ginawa mo sa Capernaum, gawin mo din dito sa iyong bayang kinalakihan."' 24 Sinabi din niya, "Tapat kong sinasabi sa inyo, walang propeta ang tinanggap sa sarili niyang bayan. 25 Ngunit sinasabi ko sa inyo ang katotohanan na maraming mga balo sa Israel sa panahon ni Elias, noong sumara ang kalangitan na walang ulan sa loob ng tatlo at kalahating mga taon, noong nagkaroon ng matinding taggutom sa lahat ng kalupaan. 26 Ngunit hindi ipinadala si Elias sa kahit sinuman sa kanila, ngunit sa isang balo lamang na naninirahan sa Sarepta na malapit sa lungsod ng Sidon. 27 Mayroon ding maraming mga ketongin sa Israel sa panahon ni propeta Eliseo, ngunit wala sa kanila ang gumaling maliban kay Naaman na taga-Siria." 28 Lahat ng tao sa sinagoga ay napuno ng matinding galit nang marinig nila ang mga bagay na ito. 29 Tumayo sila at ipinagtabuyan siya paalis ng lungsod, at dinala siya sa gilid ng burol kung saan itinayo ang kanilang lungsod, upang siya ay maari nilang ihulog sa bangin. 30 Ngunit siya ay lumakad palusot sa kanilang kalagitnaan at siya ay umalis. 31 At siya ay bumaba patungong Capernaum, isang lungsod ng Galilea. Sa isang Araw ng Pamamahinga siya ay nagturo sa mga tao sa sinagoga. 32 Sila ay namangha sa kaniyang itinuturo, dahil nagsalita siya nang may kapangyarihan. 33 Ngayon, sa sinagoga sa araw na iyon may isang tao na may espiritu ng maruming demonyo, at siya ay sumigaw nang may malakas na tinig, 34 "Ano ang nais mong gawin sa amin, Jesus na taga-Nazaret? Ikaw ba ay pumarito para kami ay puksain? Alam ko kung sino ka! Ikaw ang Banal ng Diyos!" 35 Sinaway ni Jesus ang demonyo, na nagsasabi, "Manahimik ka at lumabas ka sa kaniya!" Nang naihagis ng demonyo ang lalaki sa kalagitnaan nila, siya ay lumabas mula sa kaniya na walang nangyaring masama sa lalaki. 36 Lahat ng tao ay lubhang namangha, at sila ay patuloy na nag-uusap sa isa't isa sa nangyari. Sinabi nila, "Anong uri ang mga salitang ito? Inutusan niya ang mga maruruming espiritu na may kakayahan at kapangyarihan at sila ay lumabas." 37 Kaya nagsimulang kumalat ang balita tungkol sa kaniya sa bawat bahagi ng nakapaligid na rehiyon. 38 Pagkatapos, umalis si Jesus sa sinagoga at pumunta sa bahay ni Simon. Ngayon, ang biyenan ni Simon ay nahihirapan dahil sa mataas na lagnat, at sila ay nakiusap para sa kaniya. 39 Kaya tumayo siya malapit sa kaniya at sinaway ang kaniyang lagnat, at umalis ito. Agad siyang tumayo at nagsimulang maglingkod sa kanila. 40 Nang palubog na ang araw, dinala ng mga tao kay Jesus ang bawat may sakit at may iba't ibang karamdaman. Ipinatong niya ang kaniyang kamay sa bawat isa sa kanila at sila ay gumaling. 41 May mga demonyo din na lumabas mula sa kanila, sumusigaw at nagsasabi, "Ikaw ang Anak ng Diyos!" Sinaway ni Jesus ang mga demonyo at hindi niya sila pinayagang magsalita, dahil alam nila na siya ang Cristo. 42 Nang dumating ang dapit-umaga, pumunta siya sa isang tahimik na lugar. Maraming mga tao ang naghahanap sa kaniya at pumunta kung saang lugar siya naroon. Sinubukan nila na pigilan siya sa pag-alis sa kanila. 43 Ngunit sinabi niya sa kanila, "Dapat ko ring ipangaral ang magandang balita tungkol sa kaharian ng Diyos sa marami pang lungsod, dahil ito ang dahilan kung bakit ako ipinadala dito." 44 At siya ay nagpatuloy na nangaral sa mga sinagoga sa buong Judea.
Chapter 5
1 Ngayon nangyari na habang nagsisiksikan ang maraming tao sa palibot ni Jesus at nakikinig sila sa salita ng Diyos, si Jesus ay nakatayo sa tabi ng lawa ng Genesaret. 2 Nakakita siya ng dalawang bangka na nakapagilid sa pampang ng lawa. Nakababa na ang mga mangingisda mula dito at naglilinis sila ng kanilang mga lambat. 3 Sumakay si Jesus sa isa sa mga bangka, na pagmamay-ari ni Simon at hiniling niya sa kaniya na dalhin niya ito sa tubig na hindi kalayuan sa dalampasigan. Pagkatapos ay umupo siya at nagturo sa mga tao habang nasa bangka. 4 Nang matapos na siyang magsalita, sinabi niya kay Simon, "Dalhin mo ang bangka sa mas malalim na tubig at ibaba ang inyong mga lambat para manghuli". 5 Sumagot si Simon at sinabi, "Panginoon, magdamag kaming nangisda ngunit wala kaming nahuli, ngunit sa iyong salita, ibababa ko ang mga lambat." 6 Nang ginawa nila ito, nakahuli sila ng napakaraming bilang ng isda, at ang kanilang mga lambat ay nagsimulang mapunit. 7 Kaya't kumaway sila kanilang kasamahan sa kabilang bangka upang puntahan at tulungan sila. Dumating sila at napuno ang dalawang bangka, kaya't sila ay nagsimulang lumubog. 8 Ngunit nang makita ito ni Simon Pedro, siya ay lumuhod sa paanan ni Jesus, na nagsasabi, "Lumayo ka sa akin, Panginoon, sapagkat ako ay taong makasalanan." 9 Sapagkat siya ay namangha at ang lahat din na kaniyang mga kasama, sa dami ng isdang kanilang nahuli. 10 Kasama dito sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo, na mga kasama ni Simon. At sinabi ni Jesus kay Simon, "Huwag kang matakot, sapagkat mula ngayon, mangingisda ka na ng tao." 11 Nang madala nila sa dalampasigan ang kanilang mga bangka, iniwan nila ang lahat at sumunod sa kaniya. 12 At nangyari nga na habang siya ay nasa isa sa mga lungsod, isang taong puno ng ketong ang naroon. Nang makita niya si Jesus, siya ay nagpatirapa at nagmakaawa sa kaniya, na nagsabi, "Panginoon, kung iyong nanaisin, ako ay maaari mong linisin." 13 Pagkatapos, inabot ni Jesus ang kaniyang kamay at hinawakan siya, na sinasabi, "Nais ko. Maging malinis ka." At agad nawala ang kaniyang ketong. 14 Siya ay pinagbilinan niya na huwag ipagsabi kahit kanino, sa halip, sinabi sa kaniya, "Pumunta ka sa iyong pupuntahan, at magpakita ka sa mga pari at mag-alay ka ng handog para sa iyong ikalilinis, batay sa mga kautusan ni Moises, bilang pagpapatotoo sa kanila." 15 Ngunit ang balita tungkol sa kaniya ay lalong kumalat, at maraming mga tao ang dumating upang pakinggan siyang magturo at upang mapagaling sa kanilang mga sakit. 16 Ngunit siya ay madalas pumunta sa mga lugar na ilang at nanalangin. 17 At nangyari nga sa isa sa mga araw na iyon na siya ay nagtuturo, at mayroong mga Pariseo at mga tagapagturo ng kautusan ang nakaupo roon na nagmula pa sa mga iba't-ibang lugar sa mga rehiyon ng Galilea at Judea, at mula rin sa lungsod ng Jerusalem. Ang kapangyarihan ng Panginoon ay nasa kaniya upang magpagaling. 18 Ngayon ay may mga lalaking dumating, binubuhat ang isang paralitikong lalaki na nakalagay sa higaan, at sila ay naghanap ng paraan upang maipasok siya at mailagay sa harapan ni Jesus. 19 Hindi sila makahanap ng paraan upang siya ay maipasok dahil sa dami ng tao, kaya sila ay umakyat sa bubungan ng bahay at ibinaba nila ang lalaking nasa higaan sa kalagitnaan ng mga tao, sa mismong harapan ni Jesus. 20 Pagkakita niya sa kanilang pananampalataya, sinabi ni Jesus, "Lalaki, pinatawad ka na sa iyong mga kasalanan." 21 Ang mga eskriba at ang mga Pariseo ay nagsimulang magtanong tungkol dito, na sinasabi, "Sino itong nagsasalita ng kalapastanganan sa Diyos?" Sino ang nagpapatawad ng kasalanan, hindi ba't ang Diyos lamang?" 22 Ngunit si Jesus, na nalalaman ang kanilang mga iniisip, sumagot at sinabi sa kanila, "Bakit ninyo ito inuusisa sa inyong mga puso? 23 Alin ang mas madaling sabihin, 'Napatawad ka na ng iyong mga kasalanan' o ang sabihing 'Tumayo ka at maglakad?.' 24 Ngunit upang malaman ninyo na ang Anak ng Tao ay may kapangyarihan sa mundo upang magpatawad ng mga kasalanan, sinasabi ko sa iyo, 'Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan at pumunta ka sa iyong bahay.'" 25 Agad siyang tumayo sa kanilang harapan at binuhat ang kaniyang higaan; pagkatapos ay bumalik siya sa kaniyang bahay, na niluluwalhati ang Diyos. 26 Ang lahat ay namangha at niluwalhati nila ang Diyos. Sila ay napuno ng takot na sinasabi, "Nakakita tayo ng mga hindi pangkaraniwang bagay sa araw na ito." 27 Pagkatapos mangyari ang mga bagay na ito, si Jesus ay umalis doon at nakita ang isang maniningil ng buwis na nagngangalang Levi, na nakaupo sa lugar kung saan siya nangongolekta ng buwis. Sinabi niya sa kaniya, "Sumunod ka sa akin." 28 Kaya't iniwan ni Levi ang lahat, tumayo, at sumunod sa kaniya. 29 Pagkatapos ay naghanda si Levi sa kaniyang bahay ng malaking handaan para kay Jesus, at maraming mga maniningil ng buwis ang nandoon, at iba pang mga taong nakasandal sa mesa ang kumakain kasama nila. 30 Ngunit ang mga Pariseo at kanilang mga eskriba ay nagreklamo sa kaniyang mga alagad, na nagsasabi, "Bakit kayo kumakain at umiinom kasama ang mga naniningil ng buwis at iba pang mga taong makasalanan?" 31 Sumagot si Jesus sa kanila, "Ang mga taong malulusog ay hindi nangangailangan ng manggagamot, ang mga taong may sakit lamang ang nangangailangan nito. 32 Hindi ako dumating upang tawagin sa pagsisisi ang mga taong matuwid, kundi tawagin sa pagsisisi ang mga taong makasalanan." 33 Sinabi nila sa kaniya, "Ang mga alagad ni Juan ay madalas nag-aayuno at nananalangin, gayundin ang mga alagad ng mga Pariseo. Ngunit ang iyong mga alagad ay kumakain at umiinom." 34 Sinabi ni Jesus sa kanila, "Mayroon bang mag-uutos sa mga panauhin ng kasal na mag-ayuno habang kapiling pa nila ang lalaking ikakasal? 35 Subalit darating ang mga araw na aalisin mula sa kanila ang lalaking ikakasal, at sa mga araw na iyon sila ay mag-aayuno." 36 Pagkatapos ay nagbahagi din si Jesus ng isang talinghaga sa kanila, "Walang tao ang gugupit ng kapirasong tela mula sa bagong damit upang tagpiin ang lumang damit. Kung ganyan ang gagawin niya, mapupunit niya ang bagong damit, at ang kapirasong tela mula sa bagong damit ay hindi babagay sa tela ng lumang damit. 37 Gayundin naman, walang tao ang naglalagay ng bagong alak sa lumang sisidlang balat. Kapag ginawa niya ito, puputukin ng bagong alak ang mga sisidlang balat, at matatapon ang mga alak, at ang mga sisidlan ay masisira. 38 Ngunit ang mga bagong alak ay marapat na ilagay sa bagong sisidlang balat. 39 Walang tao na pagkatapos uminom ng lumang alak, ay maghahangad na uminom ng bagong alak, dahil sasabihin niya, 'Ang luma ay mas mabuti.'"
Chapter 6
1 Ngayon ay nangyari na sa Araw ng Pamamahinga, si Jesus ay naglalakad sa triguhan at ang kaniyang mga alagad ay nangunguha ng mga uhay, ang mga ito ay kinikiskis sa kanilang mga palad at kinakain ang mga butil. 2 Ngunit sinabi ng ibang mga Pariseo, "Bakit kayo gumagawa ng isang bagay na labag sa kautusan na gawin sa Araw ng Pamamahinga?" 3 Sumagot si Jesus sa kanila na sinabi, "Hindi man lamang ba ninyo nabasa ang tungkol sa ginawa ni David nang siya ay magutom, siya at ang kaniyang mga kasamang kalalakihan? 4 Pumasok siya sa bahay ng Diyos, at kinuha ang tinapay na handog at kumain ng ilan sa mga ito, at ibinigay din ang ilan sa kaniyang mga kasamang kalalakihan para kainin, kahit na ayon sa batas mga pari lamang ang pwedeng kumain." 5 Pagkatapos ay sinabi niya sa kanila, "Ang Anak ng Tao ay Panginoon ng Araw ng Pamamahinga." 6 Nangyari sa ibang Araw ng Pamamahinga na siya ay pumunta sa sinagoga at nagturo sa mga tao doon. Isang tao ang naroon na tuyot ang kanang kamay. 7 Ang mga eskriba at mga Pariseo ay nagmamanman sa kaniya upang makita kung si Jesus ay magpapagaling sa Araw ng Pamamahinga, upang sila ay makahanap ng dahilan upang siya ay paratangan na gumagawa ng masama. 8 Ngunit alam niya kung ano ang kanilang iniisip at sinabi niya sa tao na may tuyot na kamay, "Tumayo ka, at pumunta ka dito sa gitna ng lahat." Kung kaya't ang tao ay tumayo at pumaroon. 9 Sinabi ni Jesus sa kanila, "Itinatanong ko sa inyo, naaayon ba sa batas ang gumawa ng mabuti o gumawa ng masama sa Araw ng Pamamahinga, ang magligtas ng buhay o sirain ito?" 10 Pagkatapos ay tumingin siya sa kanilang lahat at sinabi sa lalaki, "Iunat mo ang iyong kamay." Ginawa nga niya at ang kaniyang kamay ay nanumbalik sa dati. 11 Ngunit sila ay napuno ng galit, at sila ay nag-usap-usap kung ano ang maari nilang gawin kay Jesus. 12 Nangyari sa mga araw na iyon na siya ay pumunta sa bundok upang manalangin. Siya ay patuloy na nanalangin sa Diyos ng buong gabi. 13 Kinaumagahan, tinawag niya ang kaniyang mga alagad at pumili siya sa kanila ng labindalawa, na tinawag din niyang "mga apostol." 14 Ang pangalan ng mga apostol ay sina Simon (na kaniya ring pinangalanang Pedro) at ang kaniyang kapatid na si Andres, Santiago, Juan, Felipe, Bartolome, 15 Mateo, Tomas, Santiago na anak ni Alfeo, Simon na tinawag na Masigasig, 16 Judas na anak ni Santiago at Judas Iscariote na siyang naging taksil. 17 Pagkatapos, si Jesus ay bumaba mula sa bundok kasama sila at tumayo sa patag na lugar. Naroon ang napakaraming bilang ng kaniyang mga alagad, ganoon din ang malaking bilang ng tao na mula sa Judea at Jerusalem at mula sa dalampasigan ng Tiro at Sidon. 18 Sila ay dumating upang makinig sa kaniya at para gumaling sa kanilang mga karamdaman. Ang mga taong binabagabag ng mga maruming espiritu ay pinagaling din. 19 Ang lahat ng napakaraming tao ay sinusubakan siyang hipuin dahil ang kapangyarihang magpagaling ay lumalabas mula sa kaniya, at pinagaling niya silang lahat. 20 Pagkatapos ay tumingin siya sa kaniyang mga alagad at sinabi, "Pinagpala kayong mga mahihirap sapagkat sa inyo ang kaharian ng Diyos. 21 Pinagpala kayo na nagugutom ngayon, sapagkat kayo ay mapupuno. Pinagpala kayo na tumatangis ngayon sapagkat kayo ay tatawa. 22 Pinagpala kayo kung kayo ay kinamumuhian ng mga tao at kung kayo ay ihinihiwalay at itinuturing ang inyong pangalan na masama alang-alang sa Anak ng Tao. 23 Magalak sa araw na iyon at tumalon sa galak sapagkat tiyak na kayo ay may dakilang gantimpala sa langit, sapagkat ang kanilang mga ninuno ay pinakitunguhan ang mga propeta sa ganoon ding paraan. 24 Ngunit aba kayo na mayayaman! Sapagkat natanggap na ninyo ang inyong ginhawa. 25 Aba kayo na busog ngayon! Sapagkat kayo ay magugutom. Aba kayo na tumatawa ngayon! Sapagkat kayo ay magdadalamhati at tatangis. 26 Aba kayo kung ang lahat ng tao ay nagsasabi ng mabuti tungkol sa inyo! Sapagkat pinakisamahan ng kanilang mga ninuno ang mga bulaang propeta sa ganoon ding paraan. 27 Ngunit sinasabi ko sa inyo na nakikinig, mahalin ninyo ang inyong mga kaaway at gumawa kayo ng mabuti sa mga namumuhi sa inyo. 28 Pagpalain ninyo ang mga sumusumpa sa inyo at ipanalangin ang mga umaapi sa inyo. 29 Sa sumasampal sa iyong pisngi, ialok mo rin sa kaniya ang kabila. Kung may kumuha ng iyong panlabas na damit, huwag mong ipagkait pati na ang iyong panloob na tunika. 30 Magbigay sa lahat ng humihingi sa iyo. Kung may kumuha ng isang bagay na pag-aari mo, huwag mong hingiin sa kaniya na ibalik ito sa iyo. 31 Kung anuman ang nais ninyong gawin ng mga tao sa inyo, ganoon din ang dapat ninyong gawin sa kanila. 32 Kung ang minamahal lamang ninyo ay ang mga taong nagmamahal sa inyo, anong kapurihan iyon sa inyo? Sapagkat kahit ang mga makasalan ay minamahal din ang mga nagmamahal sa kanila. 33 Kung sa mga taong gumawa sa inyo ng mabuti lamang kayo gumagawa ng mabuti, anong kapurihan iyon sa inyo? Sapagkat kahit ang mga makasalanan ay ganoon din ang ginagawa. 34 Kung ang inyong pinapahiraman lamang ay ang mga tao na inaasahan ninyong magbibigay ng mga ito pabalik sa inyo, anong kapurihan iyon sa inyo? Kahit ang mga makasalanan ay nagpapahiram sa mga makasalanan at umaasang iyon ding halaga ang muling matatanggap. 35 Ngunit mahalin ninyo ang inyong kaaway at gawin ang mabuti sa kanila. Pahiramin ninyo sila na hindi kailanman nag-aalala kung may babalik pa sa inyo at ang inyong gantimpala ay magiging dakila. Kayo ay magiging mga anak ng Kataas-taasan, sapagkat siya mismo ay mabuti sa mga taong hindi marunong magpasalamat at masasama. 36 Maging maawain, gaya ng inyong Ama na maawain. 37 Huwag humatol at hindi kayo hahatulan. Huwag magparusa at hindi kayo parurusahan. Patawarin ninyo ang iba at kayo ay patatawarin. 38 Magbigay sa iba at ito ay maibibigay sa inyo. Labis-labis na halaga—siksik, liglig at umaapaw—ang ibubuhos sa inyong kandungan. Sapagkat kung anumang batayan ng panukat ang inyong ginamit sa pagsukat, iyon din ang gagamiting batayan ng panukat para sa iyo." 39 At sinabi rin niya sa kanila ang isang talinghaga. "Maaari bang gabayan ng isang bulag ang kapwa bulag? Kung gagawin niya ito, kapwa sila mahuhulog sa hukay, hindi ba? 40 Ang isang alagad ay hindi higit kaysa sa kaniyang guro, ngunit ang bawat isa na ganap na sinanay ay magiging kagaya ng kaniyang guro. 41 At bakit mo tinitingnan ang maliit na piraso ng dayami sa mata ng iyong kapatid ngunit hindi mo napapansin ang troso sa iyong sariling mata? 42 Paano mo masasabi sa iyong kapatid, 'Kapatid, hayaan mong tanggalin ko ang maliit na dayami na nasa iyong mata,' kung ikaw mismo ay hindi nakikita ang troso sa iyong sariling mata? Ikaw na mapagkunwari! Tanggalin mo muna ang troso sa iyong mata, at nang sa gayon ay malinaw kang makakakita para alisin ang piraso ng dayami sa mata ng iyong kapatid. 43 Sapagkat walang mabuting puno ang namumunga ng bulok na bunga, ni walang bulok na puno ang namumunga ng mabuting bunga. 44 Sapagkat ang bawat puno ay nakikilala sa uri ng kaniyang bunga. Sapagkat ang mga tao ay hindi umaani ng igos sa matinik na damo, ni hindi sila umaani ng ubas sa matinik na baging. 45 Inilalabas ng mabuting tao ang kabutihan na nagmumula sa kayamanan ng kaniyang puso, at inilalabas ng masamang tao ang masama mula sa masamang kayamanan ng kaniyang puso. Sapagkat mula sa kasaganaan ng kaniyang puso, nagsasalita ang kaniyang bibig. 46 Bakit mo ako tinatatawag na, 'Panginoon, Panginoon,' ngunit hindi mo sinusunod ang mga bagay na sinasabi ko? 47 Ang bawat tao na lumalapit sa akin at nakikinig ng aking mga salita at sinusunod ang mga ito, sasabihin ko sa inyo kung ano ang kaniyang katulad. 48 Siya ay tulad ng isang tao na nagtatayo ng bahay, na humukay nang malalim sa lupa at itinayo ang pundasyon ng bahay sa matatag na bato. Nang dumating ang baha, umagos ang malakas na tubig sa bahay ngunit hindi nito kayang yanigin dahil ito ay itinayo nang mahusay. 49 Ngunit ang tao na nakikinig sa aking mga salita at hindi ito sinusunod, siya ay tulad ng isang tao na nagtayo ng bahay sa ibabaw ng lupa na walang pundasyon. Nang umagos ang malakas na tubig sa bahay, agad-agad itong gumuho at ganap ang pagkasira ng bahay na iyon.
Chapter 7
1 Pagkatapos ng lahat ng mga bagay na sinabi ni Jesus sa mga taong nakikinig, pumunta siya sa Capernaum. 2 Isang alipin ng senturion, na mahalaga sa kaniya ang may malubhang sakit at nasa bingit na ng kamatayan. 3 Ngunit nang mabalitaan ang tungkol kay Jesus, nagsugo ang senturion sa kaniya ng mga nakatatanda ng mga Judio upang pakiusapan siya na pumunta at iligtas sa kamatayan ang kaniyang alipin. 4 Nang malapit na sila kay Jesus, taimtim silang nakiusap sa kaniya, na nagsasabi, "Karapat-dapat na gawin mo ito sa kaniya, 5 dahil mahal niya ang aming bansa, at isa siya sa nagtayo ng sinagoga para sa amin." 6 Kaya si Jesus ay nagpatuloy sa kaniyang lakad kasama nila. Ngunit nang malapit na siya sa bahay, ang senturion ay nagpadala ng mga kaibigan para sabihin sa kaniya, "Panginoon, huwag na kayong mag-abala, dahil hindi ako karapat-dapat na puntahan sa aking tahanan. 7 Sa dahilang ito, hindi ko rin inisip na karapat-dapat ako na humarap man lamang sa iyo, magbigay lang kayo ng salita at gagaling na ang aking alipin. 8 Sapagkat ako rin ay isang tao na itinalaga sa ilalim ng isang may kapangyarihan at may mga kawal sa ilalim ko. Kapag sinabi ko sa isa, 'Pumunta ka,' pupunta siya roon, at sa isa naman, 'Halika,' at lumalapit siya, at sa aking alipin, 'Gawin mo ito,' ginagawa niya ito.'' 9 Nang marinig ito ni Jesus, siya ay namangha sa kaniya, at habang humarap sa mga maraming taong sumusunod sa kaniya, sinabi niya, "Sinasabi ko sa inyo, hindi pa ako nakakita ng may ganitong kalaking pananampalataya kahit na sa Israel." 10 Pagkatapos, bumalik sa bahay ang mga isinugo at natagpuang magaling na ang alipin. 11 Ilang panahon pagkatapos nito, nangyari na si Jesus ay naglakbay sa lungsod na tinatawag na Nain. Ang kaniyang mga alagad ay sumama sa kaniya kasama ang maraming mga tao. 12 Nang palapit na siya sa tarangkahan papasok ng lungsod, masdan ito, isang taong patay ang dinadala palabas, ang kaisa-isang anak ng kaniyang ina. Siya ay isang balo, at kasama niya ang isang malaking grupo ng mga tao na galing sa lungsod. 13 Pagkakita sa kaniya, ang Panginoon ay labis na nahabag sa kaniya at sinabi sa kaniya, "Huwag kang umiyak." 14 Pagkatapos lumapit siya at hinipo ang kinalalagyan ng bangkay, at ang mga nagdadala ay napatigil. Sinabi niya, "Binata, sinasabi ko sa iyo, bumangon ka." 15 Ang taong patay ay bumangon at nagsimulang magsalita. At ibinigay siya ni Jesus sa kaniyang ina. 16 At silang lahat ay nadaig ng takot. Nagpatuloy silang nagpuri sa Diyos, na nagsasabi, "Isang dakilang propeta ang nakasama natin" at "Tiningnan ng Diyos ang kaniyang mga tao." 17 Itong balita tungkol kay Jesus ay kumalat sa buong Judea at sa lahat ng kalapit na mga rehiyon. 18 Sinabi kay Juan ng mga alagad niya ang lahat ng mga bagay na ito. 19 Pagkatapos ay tinawag ni Juan ang dalawa sa kaniyang mga alagad at sila ay pinapunta sa Panginoon upang sabihin, "Ikaw ba ang Siyang Darating, o mayroon pa bang iba na aming hahanapin?" 20 Nang malapit na sila kay Jesus, sinabi ng mga lalaki, "Kami ay ipinadala ni Juan na Tagapag-bautismo sa iyo upang sabihin, 'Ikaw ba ang Siyang Darating, o mayroon pang ibang tao na aming hahanapin?"' 21 Sa oras na iyon siya ay nagpagaling ng maraming tao mula sa pagkakasakit at mga paghihirap at mula sa mga masamang espiritu, at maraming mga bulag ang kaniyang binigyan ng paningin. 22 Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, "Kapag nakaalis na kayo, ibalita ninyo kay Juan kung ano ang inyong nakita at narinig. Ang mga bulag ay nakatatanggap ng paningin, ang mga pilay ay nakakalakad, ang mga ketongin ay nalilinis, ang mga bingi ay nakaririnig, ang mga patay ay nabuhay, at ibinabahagi ang magandang balita sa mga taong mahihirap. 23 Pinagpala ang taong hindi tumitigil sa pananampalataya sa akin dahil sa aking mga ginawa." 24 Pagkatapos nang umalis ang mga tagapagbalita ni Juan, si Jesus ay nagsimulang magsalita sa maraming tao tungkol kay Juan, "Ano ang ipinunta ninyo sa disyerto upang makita, isang tambo na inaalog ng hangin? 25 Ngunit ano ang ipinunta ninyo upang makita, isang taong nakadamit ng marilag na kasuotan? Tingnan ninyo, ang mga taong nagsusuot ng marilag na damit at namumuhay sa karangyaan ay nakatira sa palasyo ng mga hari. 26 Ngunit ano ang ipinunta ninyo upang makita, isang propeta? Oo, sinasabi ko sa inyo, at higit pa sa isang propeta. 27 Siya ang tinutukoy sa nasusulat, 'Tingnan mo, aking ipinapadala ang aking mensahero na mauuna sa iyo, na siyang maghahanda sa iyong daraanan bago ka dumating.' 28 Sinasabi ko sa inyo, sa mga ipinanganak ng mga babae, walang mas hihigit kay Juan, ngunit ang pinakamababang tao sa kaharian ng Diyos ay mas higit pa sa kaniya." 29 Nang marinig ito ng lahat ng tao, kabilang ang mga maniningil ng buwis, ipinahayag nila na ang Diyos ay matuwid. Sila ay kabilang sa mga nabautismuhan sa bautismo ni Juan. 30 Ngunit ang mga Pariseo at ang mga dalubhasa sa kautusan ng mga Judio, na hindi niya nabautismuhan, ay tinanggihan ang karunungan ng Diyos para sa kanilang mga sarili. 31 "Sa ano ko ihahambing ang mga tao sa salinlahing ito? Ano ang katulad nila? 32 Katulad sila ng mga batang naglalaro sa pamilihan, na umuupo at tumatawag sa bawat isa at sinasabi, 'Tumugtog kami ng plauta para sa inyo, ngunit hindi kayo sumayaw. Nagdalamhati kami, ngunit hindi kayo umiyak.' 33 Sapagkat naparito si Juan na Tagapagbautismo na hindi kumakain ng tinapay at hindi umiinom ng alak, at inyong sinabi, 'Siya ay may demonyo.' 34 Ang Anak ng Tao ay dumating na kumakain at uminom at inyong sinabi, 'Masdan ninyo, siya ay isang napakatakaw na tao at isang manginginom, isang kaibigan ng mga maniningil ng buwis at mga makasalanan!' 35 Ngunit ang karunungan ay napawalang-sala ng lahat ng kaniyang mga anak." 36 Ngayon, may isang Pariseo ang nakiusap kay Jesus na makisalo siya sa kaniya. Kaya nang pumasok si Jesus sa bahay ng Pariseo, sumandal siya sa mesa upang kumain. 37 Masdan ito, may isang babae sa lungsod na makasalan. Nalaman niya na si Jesus ay nakasandal sa hapagkainan sa bahay ng Pariseo, at nagdala siya ng isang alabastro ng pabango. 38 Tumayo siya sa likuran ni Jesus malapit sa kaniyang mga paa at umiyak. At sinimulan niyang basain ng kaniyang mga luha ang kaniyang mga paa, at pinunasan ang mga ito ng kaniyang buhok, hinalikan ang kaniyang mga paa, at binuhusan ang mga ito ng pabango. 39 Nang makita ito ng Pariseong nag-anyaya kay Jesus, inisip niya sa kaniyang sarili, na nagsasabi, "Kung ang taong ito ay isang propeta, malalaman niya sana kung sino at anong klaseng babae ang humahawak sa kaniya, na siya ay isang makasalanan." 40 Sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya, "Simon, mayroon akong sasabihin sa iyo." Sinabi niya, "Sabihin mo, Guro!" 41 Sinabi ni Jesus, "May dalawang tao na may utang sa isang taong nagpapahiram. Ang isa ay may utang ng limang daang denaryo, at ang isa ay may utang ng limampung denaryo. 42 Dahil sila ay walang pera na pangbayad, sila ay pareho niyang pinatawad. Kaya, sino sa kanila ang higit na magmamahal sa kanya?" 43 Sinagot siya ni Simon at sinabi, "Sa palagay ko ay ang pinatawad niya nang lubos." Sinabi ni Jesus sa kaniya, "Tama ang iyong paghatol." 44 Humarap si Jesus sa babae at sinabi niya kay Simon, "Nakikita mo itong babae. Ako ay pumasok sa iyong bahay. Hindi mo ako binigyan ng tubig para sa aking mga paa, ngunit siya, ay binasa niya ang aking mga paa sa pamamagitan ng kaniyang mga luha, at pinunasan ang mga ito ng kaniyang buhok. 45 Hindi mo ako binigyan ng isang halik, ngunit siya, mula nang ako ay dumating, ay hindi tumigil sa paghalik sa aking mga paa. 46 Hindi mo binuhusan ng langis ang aking ulo, ngunit binuhusan niya ng pabango ang aking mga paa. 47 Dahil dito, sinasabi ko sa iyo na siya na may maraming kasalanan at pinatawad nang lubos, ay nagmahal din nang lubos. Ngunit siya na pinatawad lamang nang kaunti, ay nagmamahal lamang nang kaunti." 48 At sinabi niya sa babae, "Napatawad na ang iyong mga kasalanan." 49 Ang mga magkakasamang nakasandal sa hapag kainan, nagsimulang magsalita sa kanilang mga sarili, "Sino ito na nagpapatawad pa ng mga kasalanan?" 50 At sinabi ni Jesus sa babae, "Ang iyong pananampalataya ang nagligtas sa iyo. Humayo ka nang payapa."
Chapter 8
1 Pagkatapos, nangyari agad na si Jesus ay nagsimulang maglakbay sa iba't ibang mga lungsod at mga nayon, nangangaral at nagpapahayag ng magandang balita tungkol sa kaharian ng Diyos at ang Labindalawa ay sumama sa kaniya, 2 at gayundin ang mga ilang kababaihan na napagaling mula sa mga masasamang espiritu at mga karamdaman. Sila ay sina Maria na tinatawag na Magdalena, na mula sa kaniya ay pitong demonyo ang pinalayas, 3 si Juana ang asawa ni Cusa, na tagapangasiwa ni Herodes, si Susana at marami pang ibang mga kababaihan na nagbigay sa kanilang pangangailangan mula sa kanilang sariling mga pinagkukunan. 4 Ngayon, nang ang napakaraming bilang ng tao ay nagtipun-tipon, kasama ang mga tao na pumupunta sa kaniya mula sa iba't-ibang mga lungsod, siya ay nagsalita sa kanila gamit ang isang talinghaga. 5 "May isang manghahasik na lumabas upang maghasik ng mga butil. Sa kaniyang paghahasik, ang ilang mga butil ay nahulog sa tabi ng daan at ang mga ito ay natapakan, at nilamon ang mga ibon sa langit ang mga ito. 6 Ang ibang mga butil ay nahulog sa mabatong lupa, at agad sa kanilang pagtubo, ang mga ito ay nalanta dahil sa kawalan ng halumigmig. 7 Ang ibang mga butil naman ay nahulog sa mga matitinik na halaman, at ang mga matitinik na halaman ay tumubo kasabay ng mga butil at sinakal ang mga ito. 8 Ngunit ang ilang mga butil ay nahulog sa mabuting lupa at namunga ng higit pa sa isandaan." Pagkatapos na sabihin ni Jesus ang mga bagay na ito, siya ay nangusap, "Sinuman ang may taingang pandinig, makinig siya." 9 Pagkatapos, ang kaniyang mga alagad ay nagtanong kung ano ang ibig sabihin ng talinghagang ito. 10 Sinabi ni Jesus sa kanila, "Ipinagkaloob sa inyo ang karapatang maunawaan ang mga hiwaga sa kaharian ng Diyos, ngunit ang ibang mga tao ay tuturuan lamang sa mga talinghaga, kaya tumingin man sila ay hindi talaga sila makakakita, at makinig man sila ay hindi talaga sila makakaunawa. 11 Ngayon, ito ang ibig sabihin ng talinghaga. Ang butil ay ang salita ng Diyos. 12 Ang mga butil na nahulog sa tabi ng daan ay ang mga taong nakarinig ng salita ngunit ang diyablo ay dumating at kinuha ang salita mula sa kanilang puso upang sila ay hindi manampalataya at mailigtas. 13 At ang mga nahulog sa mabatong lupa ay ang mga tao na, nang marinig nila ang salita, tinanggap nila ito nang may galak, ngunit sila ay walang anumang mga ugat; sila ay maniniwala nang panandalian at pagkatapos, sa panahon ng pagsubok, sila ay tumiwalag. 14 Ang mga butil na nahulog sa mga matitinik na halaman ay ang mga taong nakarinig ng salita ngunit sa kanilang pagtahak ng daan, sila ay nasakal ng kanilang mga alalahanin at mga kayamanan at mga kaligayahan sa buhay na ito, kaya wala silang bungang madala sa paglago. 15 Ngunit ang mga butil na nahulog sa mabuting lupa, ito ay ang mga tao na may tapat at mabuting puso, pagkatapos nilang marinig ang salita, ito ay kanilang pinanghawakan nang mabuti at nagbunga nang may pagtitiyaga. 16 Ngayon, walang sinuman, na kung kaniyang sisindihan ang ilawan ay tatakpan ito ng mangkok o ilalagay ito sa ilalim ng kama. Sa halip ito ay kaniyang ilalagay sa patungan ng ilawan, upang ang lahat ng papasok ay makikita ang liwanag. 17 Sapagkat walang nakatago na hindi malalaman, ni anumang lihim na hindi malalaman at mabubunyag sa liwanag. 18 Kaya mag-ingat kung paano kayo makinig, dahil kung sinuman ang mayroon, siya ay bibigyan pa ng mas marami, at kung sinuman ang wala ay kukunin kahit na ang inaakala niyang mayroon siya." 19 Pagkatapos, ang ina at mga kapatid na lalaki ni Jesus ay lumapit sa kaniya, ngunit sila ay hindi makalapit dahil sa napakaraming tao. 20 At ito ay sinabi sa kaniya, "Ang iyong ina at ang iyong mga kapatid na lalaki ay nakatayo sa labas, ninanais kang makita." 21 Ngunit sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, "Ang aking ina at ang aking mga kapatid na lalaki ay ang mga nakikinig ng salita ng Diyos at sinusunod ito." 22 Ngayon, nangyari isa sa mga araw na iyon na si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay sumakay sa isang bangka, at sinabi niya sa kanila, "Pumunta tayo sa kabilang dako ng lawa." At sila ay naglayag. 23 Ngunit sa kanilang paglalayag, si Jesus ay nakatulog, at isang bagyo na may napakalakas na hangin ang dumating sa buong lawa, at ang kanilang bangka ay nagsimulang mapuno ng tubig, at sila ay nasa matinding panganib. 24 At lumapit ang mga alagad ni Jesus sa kaniya at siya ay ginising, nagsasabi, "Panginoon! Panginoon! Tayo ay nasa bingit ng kamatayan!" Siya ay gumising at sinaway ang hangin at ang nagngangalit na tubig at ang mga ito ay humupa, at nagkaroon ng kapanatagan. 25 Pagkatapos, sinabi niya sa kanila, "Nasaan ang inyong pananampalataya?" Sa pagkatakot, sila ay lubos na namangha, at sinabi sa isa't isa. "Sino nga kaya ito, na kaniyang nauutusan kahit na ang mga hangin at tubig at ang mga ito ay sumusunod sa kaniya?" 26 Dumating sila sa rehiyon ng Geraseno, na katapat ng Galilea. 27 Nang nakababa si Jesus sa lupa, may isang lalaki mula sa lungsod ang sumalubong sa kaniya at ang lalaking ito ay may mga demonyo. Sa matagal na panahon, siya ay walang suot na damit at hindi tumira sa isang bahay, sa halip, ay sa mga libingan. 28 Nang makita niya si Jesus, sumigaw siya at lumuhod sa harap niya. Sa malakas na tinig kaniyang sinabing, "Ano ang kinalaman ko sa iyo, Jesus, Anak ng Kataas-taasang Diyos? Nakikiusap ako sayo, huwag mo akong pahirapan." 29 Sapagkat inuutusan ni Jesus ang maruming espiritu na umalis sa lalaking iyon, dahil maraming beses na siyang sinaniban nito. Kahit na siya ay nakagapos sa mga kadena at mga tanikala at binabantayan nang mabuti, napuputol niya ang mga gapos at dinadala ng demonyo sa ilang. 30 At nagtanong sa kaniya si Jesus, "Ano ang iyong pangalan?" At siya ay sumagot, "Pulutong", dahil maraming demonyo ang sumanib sa kaniya. 31 Patuloy silang nagsusumamo sa kaniya na huwag silang utusang itapon sa bangin na napakalalim. 32 Ngayon, may kawan ng mga baboy na kumakain sa burol, at nakiusap ang mga demonyo na payagan silang pasukin ang mga baboy. Pinahintulutan niya silang gawin ito. 33 Kaya ang mga demonyo ay lumabas sa lalaki at pumasok sa mga baboy, at ang kawan ng baboy ay tumakbo nang mabilis pababa ng matarik na burol papunta sa lawa at nalunod. 34 Nang makita ng mga lalaki na nagbabantay sa mga baboy ang nangyari, tumakbo sila at ibinalita ito sa lungsod at sa kabukiran. 35 Kaya ang mga taong nakarinig tungkol dito ay lumabas upang makita kung ano ang nangyari, at sila ay pumunta kay Jesus at nakita nila ang lalaki na pinalaya mula sa mga demonyo. Siya ay nakadamit at nasa matinong pag-iisip, nakaupo sa paanan ni Jesus at sila ay natakot. 36 Pagkatapos, ang mga nakakita sa nangyari ay sinabi sa iba kung paanong ang lalaking dating nasasaniban ng mga demonyo ay nailigtas. 37 Lahat ng taong nasa rehiyon ng Geraseno at sa palibot na mga lugar ay humiling kay Jesus na lumayo sa kanila, sapagkat sila ay nabalot ng matinding takot. Kaya siya ay sumakay sa bangka upang bumalik. 38 Ang lalaki na napalaya mula sa mga demonyo ay nagmakaawa kay Jesus na siya ay hayaang sumama kasama niya, ngunit siya ay pinaalis ni Jesus, na sinasabing, 39 "Bumalik ka sa iyong bahay at sabihin ang lahat ng mga kahanga-hangang bagay na ginawa ng Diyos para sa iyo." Ang lalaki ay umalis, ipinahayag sa buong lungsod ang lahat ng mga kamangha-manghang bagay na ginawa ni Jesus para sa kaniya. 40 Sa pagbabalik ni Jesus, sinalubong siya ng napakaraming tao, dahil sa sila ay naghihintay sa kaniya. 41 Masdan ito, may isang lalaki na dumating na nagngangalang Jairo, at siya ay isa sa mga pinuno ng sinagoga. Si Jairo ay lumuhod sa paanan ni Jesus at nakiusap na pumunta sa kaniyang bahay, 42 dahil sa siya ay may kaisa-isang anak na babae, na nasa labindalawang taon ang edad, at siya ay nag-aagaw-buhay. Ngunit nang papunta siya kay Jesus, maraming tao ang nagsisiksikan sa kaniya. 43 Isang babae ang naroroon na labindalawang taon nang dinudugo at ginugol ang lahat ng kaniyang pera sa mga manggagamot, ngunit hindi siya mapagaling ng kahit sinuman sa kanila. 44 Siya ay pumunta sa likuran ni Jesus at hinipo ang laylayan ng kaniyang damit, at agad na huminto ang kaniyang pagdurugo. 45 Sinabi ni Jesus, "Sino ang humipo sa akin?" Nang ang lahat ay tumanggi, sinabi ni Pedro, "Panginoon, napakaraming tao ang nagsisiksikan sa inyo at sila ay nanggigitgit sa inyo. 46 Ngunit sinabi ni Jesus, "May isa ngang humipo sa akin, dahil alam ko na may kapangyarihang lumabas sa akin." 47 Nang makita ng babae na hindi niya maitago ang kaniyang ginawa, siya ay lumapit na nanginginig. Habang lumuluhod sa harap ni Jesus, ipinahayag niya sa harap ng lahat ng tao ang dahilan ng paghipo niya sa kaniya at kung paano siya gumaling agad. 48 Pagkatapos, sinabi niya sa kaniya, "Anak, ang iyong pananampalataya ang siyang nagpagaling sa iyo. Humayo ka nang may kapayapaan." 49 Habang siya ay patuloy pang nagsasalita, may isang lumapit mula sa bahay ng pinuno ng sinagoga, na nagsasabi, "Ang iyong anak na babae ay patay na. Huwag mong gambalain ang guro." 50 Ngunit nang marinig iyon ni Jesus, siya ay sumagot sa kaniya, "Huwag kang matakot. Manampalataya ka lang, at siya ay maliligtas." 51 Pagkatapos, nang siya ay dumating sa bahay, hindi niya pinayagan ang sinuman na pumasok kasama niya, maliban kina Pedro, Juan, at Santiago, ang ama ng batang babae, at ang kaniyang ina. 52 Ngayon, lahat ng taong naroroon ay nagluluksa at tumataghoy para sa kaniya, ngunit sinabi niya, "Huwag kayong tumaghoy. Hindi siya patay, ngunit natutulog lamang." 53 Ngunit siya ay pinagtawanan nila nang may pangungutya, sa pagkakaalam na siya ay patay na. 54 Ngunit hinawakan niya ang batang babae sa kaniyang mga kamay, tumawag, na nagsasabing, "Bata, tumayo ka." 55 Ang espiritu ng bata ay bumalik, at siya ay agad na bumangon. Nag-utos si Jesus na bigyan siya ng makakain. 56 Namangha ang mga magulang ng bata, ngunit inutusan sila ni Jesus na huwag sabihin kanino man kung ano ang nangyari.
Chapter 9
1 Tinawag niya ang Labindalawa at binigyan sila ng kapangyarihan at karapatan laban sa lahat ng mga demonyo at upang magpagaling ng mga sakit. 2 Sila ay isinugo niya upang ipangaral ang kaharian ng Diyos at upang pagalingin ang mga may sakit. 3 Sinabi niya sa kanila, "Huwag kayong magdadala ng anuman para sa inyong paglalakbay—maging tungkod, o pitaka, o tinapay o salapi—ni magdala ng dalawang panloob na tunika." 4 Saanmang bahay kayo pumasok, manatili kayo doon hanggang sa pag-alis ninyo sa lugar na iyon. 5 Para naman sa mga hindi tatanggap sa inyo, kung kayo ay aalis sa lungsod na iyon, pagpagin ninyo ang alikabok sa inyong mga paa bilang patotoo laban sa kanila." 6 Pagkatapos sila ay umalis at pumunta sa mga nayon, ipinapahayag ang magandang balita at nagpapagaling ng mga tao sa lahat ng dako. 7 At ngayon, narinig ni Herodes na tetrarka ang tungkol sa lahat ng mga nangyayari at siya ay lubhang nabahala, sapagkat sinasabi ng iba na si Juan na Tagapagbautismo ay nabuhay muli mula sa kamatayan, 8 at sinabi ng iba na nagpakita si Elias, at sabi ng iba na isa sa mga sinaunang propeta ang muling nabuhay. 9 Sinabi ni Herodes, "Pinapugutan ko si Juan, ngunit patungkol kanino itong mga bagay na naririnig ko?" At sinubukan ni Herodes na gumawa ng paraan upang makita si Jesus. 10 Nang bumalik ang mga isinugo ni Jesus, sinabi nila sa kaniya ang lahat ng kanilang mga ginawa. Pagkatapos, isinama niya sila sa isang lungsod na tinatawag na Betsaida. 11 Ngunit narinig ito ng mga tao at sumunod sa kaniya, at sila ay tinanggap niya, at siya ay nagsalita sa kanila tungkol sa kaharian ng Diyos, at pinagaling ang mga nangailangan ng kagalingan. 12 Nang patapos na ang araw, lumapit sa kaniya ang Labindalawa at sinabi, "Pauwiin mo na ang mga tao upang sila ay makapunta sa mga kalapit na nayon at kabukiran upang makapaghanap ng matutuluyan at makakain sapagkat tayo ay nasa ilang na lugar." 13 Ngunit sinabi niya sa kanila, "Bigyan ninyo sila ng makakain." Sinabi nila, "Ang mayroon po tayo ay hindi hihigit sa limang tinapay at dalawang isda, maliban na lamang kung kami ay bibili ng pagkain para sa mga taong ito. 14 Mayroong nasa limanlibong lalaki ang naroon. Sinabi niya sa kaniyang mga alagad, "Paupuin ninyo sila sa grupong may tiglilimampung bilang." 15 At ginawa nila iyon at lahat ng mga tao ay umupo. 16 Kinuha niya ang limang tinapay at dalawang isda, at habang nakatingin sa langit, pinagpasalamatan niya ang mga ito, at pinagpira-piraso, at ibinigay niya ito sa kaniyang mga alagad upang ipamahagi sa mga tao. 17 Silang lahat ay nakakain at nabusog, at ang mga tira sa mga pagkain ay pinulot at napuno ang labindalawang basket. 18 Nangyari nga, na habang siya ay mag-isang nananalangin, kasama ang kaniyang mga alagad, at sila ay kaniyang tinanong na sinasabi, "Ano ang sinasabi ng maraming tao kung sino ako?" 19 Sumagot sila at nagsabi, "Si Juan na Tagapagbautismo, ngunit ang iba ay nagsasabing ikaw ay si Elias, ang iba ay nagsasabing isa ka sa mga propeta mula noong unang panahon na nabuhay muli." 20 Sinabi niya sa kanila, "Ngunit sino ako para sa inyo?" Sumagot si Pedro at sinabi, "Ang Cristo na nagmula sa Diyos." 21 Ngunit nagbigay siya ng babala sa kanila, binilin sa kanila ni Jesus na huwag nila itong ipagsabi sa kahit kaninuman, 22 sinasabi niya na ang Anak ng Tao ay kailangang dumanas ng maraming bagay at hindi tatanggapin ng mga nakatatanda, mga punong-pari at mga eskriba, at siya ay papatayin, at sa ikatlong araw ay bubuhayin muli. 23 Sinabi niya sa kanilang lahat, "Kung sinuman ang may gustong sumunod sa akin, kailangan niyang tanggihan ang kaniyang sarili, pasanin niya ang kaniyang krus araw-araw, at sumunod sa akin. 24 Sinumang sumubok na iligtas ang kaniyang buhay ay mawawalan nito, at kung sinuman ang mawawalan ng kaniyang buhay alang-alang sa akin ay maliligtas ito. 25 Ano ang mapapala ng tao kung makamit niya ang buong mundo, ngunit mawawala o mapapahamak naman ang kaniyang sarili? 26 Ang sinuman na ikakahiya ako at ang aking mga salita, siya din ay ikakahiya ng Anak ng Tao kapag siya ay dumating na nasa kaniyang sariling kaluwalhatian, at sa kaluwalhatian ng Ama, at ng mga banal na anghel. 27 Ngunit katotohanang sinasabi sa inyo, mayroong iba sa inyong nakatayo dito, na hindi makatitikim ng kamatayan hanggang sa makita nila ang kaharian ng Diyos." 28 At nangyari, pagkalipas ng mga walong araw pagkatapos sabihin ni Jesus ang mga salitang ito, dinala niya sina Pedro, Juan, at Santiago, at umakyat ng bundok upang manalangin. 29 Habang siya ay nananalangin, nag-iba ang anyo ng kaniyang mukha, ang kaniyang damit ay naging puti at nagniningning. 30 Masdan ito, may dalawang lalaking nakikipag-usap sa kaniya! Sila ay sina Moises at Elias 31 na nag-anyong maluwalhati. Nagsalita sila patungkol sa kaniyang paglisan na malapit na niyang maisakatuparan sa Jerusalem. 32 Ngayon, si Pedro at ang kaniyang mga kasama ay mahimbing na natutulog. Ngunit nang sila ay magising, nakita nila ang kaniyang kaluwalhatian, at ang dalawang lalaking nakatayo kasama niya. 33 At nangyari nga, habang ang mga lalaki ay papalayo na kay Jesus, sinabi ni Pedro sa kaniya, "Panginoon, mabuti at nandito kami at marapat na magtayo kami ng tatlong kanlungan, isa para sa iyo, isa para kay Moises, at isa para kay Elias." Hindi niya naintindihan kung ano ang kaniyang mga sinasabi. 34 Pagkatapos, habang sinasabi niya ang mga bagay na ito, may ulap na dumating at nililiman sila; at sila ay natakot habang sila ay napapalibutan ng ulap. 35 Isang tinig ang nanggaling sa ulap, na nagsasabi, "Ito ang aking Anak na pinili. Makinig kayo sa kaniya." 36 Nang matapos ang tinig, mag-isa na si Jesus. Sila ay tumahimik, at sa mga araw na iyon ay wala silang pinagsabihan sa mga bagay na kanilang nakita. 37 At nangyari nga sa sumunod na araw, nang nakababa sila sa bundok, sumalubong sa kaniya ang napakaraming tao. 38 Masdan ito, mayroong isang ama na sumisigaw mula sa maraming tao na nagsasabi, "Guro, nagmamakaawa ako na tingnan ninyo ang aking anak na lalaki, sapagkat siya ay nag-iisa kong anak. 39 Sinasaniban siya ng isang espiritu, at bigla siyang sumisigaw, kaya siya ay nangingisay na bumubula ang bibig. Pahirapan itong umalis sa kaniya, lubha siyang sinasaktan nito kapag ito ay umaalis. 40 Nagmakaawa ako sa iyong mga alagad na piliting palabasin ito sa kaniya, ngunit hindi nila magawa." 41 Sumagot si Jesus at sinabi, "Kayong mga hindi nananampalataya at masamang salinlahi, gaano katagal ko kailangang manatili sa inyo at pagtiisan kayo? Dalhin mo dito ang iyong anak." 42 Habang lumalapit ang batang lalaki ay ihinagis siya ng demonyo pababa at pinangisay nang marahas. Ngunit sinaway ni Jesus ang maruming espiritu, at pinagaling ang batang lalaki, at ibinalik siya sa kaniyang ama. 43 Silang lahat ay namangha sa kadakilaan ng Diyos. Ngunit habang sila ay namamangha parin sa mga bagay na kaniyang ginawa, sinabi niya sa kaniyang mga alagad, 44 "Palalimin ninyo ang mga salitang ito sa inyong mga tainga, sapagkat ang Anak ng Tao ay ibibigay sa mga kamay ng mga tao." 45 Ngunit hindi nila naintindihan ang ibig sabihin ng mga pahayag na ito, at ito ay lingid sa kanila, kaya hindi nila ito maintindihan. Natakot silang magtanong sa kaniya tungkol sa pahayag na iyon. 46 Pagkatapos, isang pagtatalo ang nagsimula sa kanila tungkol sa kung sino ang magiging lubos na dakila. 47 Ngunit nang malaman ni Jesus ang kanilang mga pangangatwiran sa kanilang mga puso, kumuha siya ng isang bata at nilapit sa kaniyang tabi, 48 at sinabi sa kanila, "Kung sinuman ang tumanggap sa isang maliit na batang katulad nito sa aking pangalan, siya rin ay tumatanggap sa akin, at kung sinuman ang tumatanggap sa akin, siya rin ay tumatanggap sa kaniya na nagsugo sa akin. Dahil kung sinuman ang pinakamababa sa inyong lahat ay siyang dakila." 49 Sumagot si Juan at sinabi, "Panginoon, may nakita kaming isang tao na nagpapalayas ng demonyo gamit ang iyong pangalan at pinigilan namin siya sapagkat siya ay hindi sumusunod sa atin." 50 Ngunit sinabi ni Jesus sa kaniya, "Huwag ninyo siyang pigilan, sapagkat siya na hindi laban sa inyo ay kasama ninyo." 51 Nangyari ng habang papalapit na ang kaniyang pag-akyat sa langit, lubos niyang inihanda ang kaniyang sarili na pumunta sa Jerusalem. 52 Nagpadala siya ng mga mensahero bago siya pumunta, at sila ay pumunta at nakarating sa isang Samaritanong bayan upang maghanda para sa kaniya. 53 Ngunit siya ay hindi tinanggap ng mga tao roon, sapagkat nagpasya siyang pumunta sa Jerusalem. 54 Pagkatapos, nang makita ito ng kaniyang mga alagad na sina Santiago at Juan, sinabi nila, "Panginoon, nais mo bang iutos naming bumaba ang apoy mula sa langit at puksain sila?" 55 Ngunit hinarap niya sila at sinaway sila. 56 Pagkatapos, sila ay pumunta sa ibang nayon. 57 Habang sila ay papunta sa kanilang daraanan, may nagsabi sa kaniya, "Ako ay susunod sa iyo saan ka man pumunta." 58 Sinabi ni Jesus sa kaniya, "Ang mga asong-gubat ay may mga lungga, ang mga ibon sa himpapawid ay may mga pugad, ngunit ang Anak ng Tao ay walang malatagan ng kaniyang ulo." 59 At sinabi niya sa isa pang tao, "Sumunod ka sa akin." Ngunit sinabi niya, "Panginoon, hayaan mong ilibing ko muna ang aking ama." 60 Ngunit sumagot siya sa kaniya, "Hayaan ninyo ang patay na maglibing sa sarili nilang mga patay, ngunit kayo ay humayo at ipahayag sa lahat ng dako ang kaharian ng Diyos." 61 Isa pang tao naman ay nagsabi din, "Ako ay susunod sa iyo, Panginoon, ngunit hayaan mo muna akong magpaalam sa kanila na nasa aking bahay." 62 Ngunit si Jesus ay sumagot sa kaniya, "Walang sinumang naglagay ng kaniyang mga kamay sa araro at tumitingin sa likuran, ang karapat-dapat para sa kaharian ng Diyos."
Chapter 10
1 Ngayon, pagkatapos ng mga bagay na ito, ang Panginoon ay naghirang ng pitumpung iba pa, at isinugo sila nang dalawahan para mauna sa kaniya sa bawat lungsod at lugar na ninanais niyang puntahan. 2 Sinabi niya sa kanila, "Marami ang aanihin, ngunit ang manggagawa ay kakaunti. Kaya nga madaliing manalangin sa Panginoon ng ani, upang magpadala siya ng manggagawa sa kaniyang ani. 3 Humayo kayo sa inyong lakad. Tingnan, Sinusugo ko kayo bilang mga tupa sa gitna ng mga lobo. 4 Huwag kayong magdala ng lalagyan ng pera, lalagyang panglakbay, ni mga sandalyas, at huwag ninyong batiin ang sinuman sa daan. 5 Anumang mga bahay na inyong tutuluyan, una ninyong sabihin, 'Magkaroon nawa ng kapayapaan sa bahay na ito.' 6 Kung ang isang taong payapa ay naroon, ang inyong kapayapaan ay mapapasakaniya, ngunit kung hindi, ito ay babalik sa iyo. 7 Manatili kayo sa bahay na iyon, kumain at uminom ng anumang ibigay nila, sapagkat ang manggagawa ay karapat-dapat sa kaniyang sahod. Huwag kayong magpalipat-lipat ng bahay. 8 Sa lungsod na inyong tutuluyan, at kayo ay tinanggap, kumain kayo ng anumang ihain sa inyong harapan, 9 at pagalingin ninyo ang may sakit na naroroon. Sabihin niyo sa kanila, 'Ang kaharian ng Diyos ay malapit na sa inyo.' 10 Ngunit sa anumang mga lungsod na inyong pupuntahan, at hindi nila kayo tinanggap, pumunta kayo sa mga lansangan nito at sabihin, 11 'Kahit ang alikabok mula sa inyong lungsod na kumapit sa aming mga paa ay aming pinupunasan laban sa inyo! Ngunit alamin ito, ang kaharian ng Diyos ay malapit na.' 12 Sinasabi ko sa inyo na sa araw ng paghuhukom, higit na mapagtitiisan ang Sodoma kaysa sa lungsod na iyon. 13 Aba sa inyo, Corazin! Aba sa inyo Betsaida! Kung ang makapangyarihang mga gawa na nagawa sa inyo ay nagawa sa Tiro at Sidon, matagal na sana silang nagsisi, na nakaupo sa telang magaspang at sa mga abo. 14 Ngunit mapagtitiisan pa ang Tiro at Sidon sa panahon ng paghuhukom kaysa sa inyo. 15 Ikaw, Capernaum, naiisip mo ba na ikaw ay itataas sa langit? Hindi, kayo ay ibababa sa Hades. 16 Ang nakikinig sa inyo ay nakikinig sa akin, at ang tumatanggi sa inyo ay tumatanggi sa akin, at ang tumatanggi sa akin ay tumatanggi sa nagsugo sa akin." 17 Bumalik ang pitumpu na may kagalakan, nagsasabing, "Panginoon, kahit ang mga demonyo ay nagpasakop sa amin sa iyong pangalan." 18 Sinabi ni Jesus sa kanila, "Pinanood ko si Satanas na nahulog mula sa langit gaya ng kidlat. 19 Tingnan, binigyan ko kayo ng kapangyarihan na tapakan ang mga ahas, at ang mga alakdan, at sa lahat ng kapangyarihan ng kaaway, at walang makapananakit sa inyo sa anumang paraan. 20 Gayon pa man huwag kayong magalak lamang sa mga ito, na ang mga espiritu ay sumusunod sa inyo, ngunit higit na magalak na ang inyong mga pangalan ay nakasulat sa langit." 21 Sa parehong oras na iyon, siya ay nagalak nang lubusan sa Banal na Espiritu, at sinabi, "Pinupuri kita, O Ama, Panginoon ng langit at lupa, dahil itinago mo ang mga bagay na ito mula sa matatalino at nakakaunawa, at ipinahayag ang mga ito sa mga walang muwang, tulad ng mga maliliit na bata. Oo, Ama, sapagkat ito ay nakalulugod sa inyong paningin." 22 ''Ang lahat ng mga bagay ay ipinagkatiwala sa akin mula sa aking Ama, at walang nakakakilala sa Anak maliban sa Ama, at walang nakakakilala sa Ama maliban sa Anak, at kanino man na naisin ng Anak na ipahayag siya." 23 Nang humarap siya sa mga alagad, sinabi niya nang bukod, "Pinagpala ang mga nakakakita sa mga bagay na nakikita ninyo. 24 Sinasabi ko sa inyo, maraming mga propeta at mga hari na hinangad na makita ang mga bagay na inyong nakikita, at hindi nila ito nakita, at marinig ang mga bagay na inyong naririnig, at hindi nila narinig." 25 Masdan ito, may isang guro ng kautusan ng Judio na tumindig at sinubukan siya, sinabi, "Guro, anong dapat kong gawin upang magmana ng walang hanggang buhay?" 26 Sinabi ni Jesus sa kaniya, "Ano ang nakasulat sa kautusan? Paano mo ito binabasa?" 27 Sumagot na nagsabi siya, "Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, nang buong lakas, at nang buong kaisipan, at ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili." 28 Sinabi ni Jesus sa kaniya, "Tama ang iyong sinabi. Gawin mo ito, at mabubuhay ka." 29 Ngunit ang guro na naghahangad na na bigyang katuwiran ang kaniyang sarili, ay nagsabi kay Jesus, "At sino ang aking kapwa?" 30 Sumagot na nagsabi si Jesus, "May isang tao na bumaba sa Jerico mula sa Jerusalem. Nahulog siya sa kamay ng mga magnanakaw, na sumamsam sa kaniyang mga ari-arian, at binugbog siya, at iniwan siyang halos patay na. 31 Nagkataon na may isang pari ang bumaba sa daang iyon, at nang siya ay nakita nito, siya ay dumaan sa kabila ng daan. 32 Gayon din naman sa isang Levita, nang siya ay dumating sa lugar at nakita siya, ay dumaan sa kabila ng daan. 33 Ngunit isang Samaritano, sa kaniyang paglalakbay, ay dumating sa kinaroroonan niya. Nang makita siya, siya ay nahabag. 34 Lumapit siya sa kaniya at binendahan ang kaniyang mga sugat, nilagyan ng langis at alak ang mga ito. Sinakay siya sa kaniyang sariling hayop, at dinala siya sa bahay-panuluyan, at inalagaan siya. 35 Nang sumunod na araw, siya ay kumuha ng dalawang denaryo, at ibinigay sa katiwala ng bahay-panuluyan, at sinabi, 'Alagaan mo siya at anumang magagastos mong labis, sa aking pagbalik, babayaran kita.' 36 Sino sa tatlong ito, sa tingin mo, ang naging isang kapwa sa kaniya na nahulog sa mga magnanakaw?" 37 Sinabi ng guro, "Ang nagpakita ng awa sa kaniya." Sinabi ni Jesus sa kaniya, "Humayo ka at gayon din ang gawin mo." 38 Ngayon sa pagpapatuloy ng kanilang paglalakbay, siya ay pumunta sa isang nayon, at isang babaeng nagngangalang Marta ang tumanggap sa kaniya sa loob ng kaniyang bahay. 39 Mayroon siyang isang kapatid na nagngangalang Maria, na nakaupo sa paanan ng Panginoon at nakinig sa kaniyang salita. 40 Ngunit si Marta ay sobrang abala sa paghahanda ng pagkain. Lumapit siya kay Jesus, at sinabi, "Panginoon, pababayaan mo ba na iniwan ako ng aking kapatid na mag-isang maglingkod? Kaya sabihin mo sa kaniya na tulungan ako." 41 Ngunit sumagot ang Panginoon at sinabi sa kaniya, "Marta, Marta, masyado kang abala tungkol sa maraming bagay, 42 ngunit iisang bagay lamang ang kinakailangan. Pinili ni Maria kung ano ang pinakamabuti, na hindi makukuha mula sa kaniya."
Chapter 11
1 At nangyari nang si Jesus ay nananalangin sa isang lugar, sinabi sa kaniya ng isa sa kaniyang mga alagad, "Panginoon, turuan mo kaming manalangin na gaya ng tinuro ni Juan sa kaniyang mga alagad." 2 Sinabi ni Jesus sa kanila, "Kung kayo ay mananalangin, sabihin ninyo, 'Ama, sambahin ang iyong pangalan. Ang kaharian mo ay dumating. 3 Bigyan mo kami ng aming tinapay sa araw-araw. 4 Patawarin mo kami sa aming mga kasalan gaya ng pagpapatawad namin sa may pagkakautang sa amin. Huwag mo kaming itungo sa tukso.'" 5 Sinabi ni Jesus sa kanila, "Sino sa inyo ang mayroong kaibigan, at pupunta ka sa kaniya sa hating gabi, at sasabihin mo sa kaniya, 'Kaibigan, pahiramin mo ako ng tatlong tinapay, 6 sapagkat kararating lamang ng isang kaibigan ko mula sa paglalakbay at wala akong anumang maihahanda sa kaniya.' 7 At ang nasa loob na sasagot na magsasabi na, 'Huwag mo akong gambalain. Sarado na ang pinto, ako at ang aking mga anak ay nakahiga na. Hindi ako makabangon at makapagbigay sa iyo ng tinapay.' 8 Sinasabi ko sa inyo, kahit na siya ay hindi bumangon at magbigay sa iyo ng tinapay dahil ikaw ay kaibigan niya, ngunit dahil sa iyong hindi nahihiyang pagpupumilit, siya ay babangon at bibigyan ka ng tinapay ayon sa dami ng iyong kailangan. 9 Sinasabi ko rin sa inyo, humingi kayo at ito ay maibibigay sa inyo, maghanap at inyong matatagpuan. Kumatok, at ito ay mabubuksan para sa inyo. 10 Sapagkat ang bawat tao na humihingi ay makatatanggap at ang tao na naghahanap ay makatatagpo at sa tao na kumakatok, ito ay mabubuksan. 11 Aling ama sa inyo, kung ang iyong anak na lalaki ay humingi ng isda ay bibigyan mo ng ahas sa halip na isda? 12 O kung siya ay humingi ng itlog, bibigyan mo ba siya ng alakdan? 13 Kaya, kung kayong masasama ay marunong magbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama mula sa langit na ibibigay ang Banal na Espiritu sa mga humihingi sa kaniya?" 14 Pagkatapos, si Jesus ay nagpapalayas ng demonyo at ito ay pipi. At nangyari nang lumabas ang demonyo, nagsalita ang pipi. Namangha ang napakaraming tao! 15 Ngunit sinabi ng ilang mga tao, "Sa pamamagitan ni Beelzebub, ang pinuno ng mga demonyo, siya ay nagpapalayas ng mga demonyo." 16 Sinubok siya ng iba at naghanap sa kaniya ng palatandaan mula sa langit. 17 Ngunit alam ni Jesus ang kanilang iniisip at sinabi sa kanila, "Bawat kaharian na nagkakabaha-bahagi laban sa kaniyang sarili ay napababayaan at ang bahay na nagkakabaha-bahagi laban sa kaniyang sarili ay bumabagsak. 18 Kung si Satanas ay nagkakabaha-bahagi laban sa kaniyang sarili, paano mananatili ang kaniyang kaharian? Sapagkat sinasabi ninyo na ako ay nagpapalayas ng demonyo sa pamamagitan ni Beelzebub. 19 Kung ako ay nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ni Beelzebub, sa pamamagitan nino nagpapalayas ang inyong mga tagasunod? Dahil dito, sila ang inyong magiging mga hukom. 20 Ngunit kung ako ay nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ng daliri ng Diyos, kung gayon ang kaharian ng Diyos ay dumating sa inyo. 21 Kung ang isang malakas na tao na lubos na armado ay binabantayan ang kaniyang bahay, ang kaniyang mga ari-arian ay ligtas 22 ngunit kung siya ay dinaig ng mas malakas sa kaniya, kukunin ng mas malakas ang kaniyang baluti at nanakawin ang pag-aari ng tao. 23 Ang hindi ko kasama ay laban sa akin at ang hindi nagtitipon na kasama ako ay naghihiwa-hiwalay. 24 Kung ang maruming espiritu ay umalis mula sa isang tao, ito ay dumadaan sa mga tuyong lugar at maghahanap ng mapagpapahingaan. Nang wala itong mahanap, sasabihin nito, 'Ako ay babalik sa aking bahay kung saan ako nanggaling.' 25 Sa kaniyang pagbabalik, natagpuan nito ang bahay na iyon na nawalisan at maayos. 26 Pagkatapos, ito ay nagpatuloy at nagsama ng pitong iba pang espiritu na mas masama pa sa kaniya at pumasok silang lahat para tumira doon. Kaya ang kalagayan ng tao ay naging mas malubha kaysa noong una. 27 Nangyari na, habang sinasabi niya ang mga bagay na ito, may isang babae na sumigaw sa gitna ng napakaraming tao at nagsabi sa kaniya, "Pinagpala ang sinapupunan na nagsilang sa iyo at ang nagpasuso sa iyo." 28 Ngunit sinabi niya, "Higit pa na pinagpala ang mga nakarinig ng salita ng Diyos at iningatan ito." 29 Nang nagtitipon ang napakaraming tao, sinimulan niyang sabihin, "Ang salinlahi na ito ay masamang salinlahi. Naghahanap ito ng palatandaan ngunit walang palatandaan na maibibigay dito, kung hindi ay ang palatandaan ni Jonas. 30 Sapagkat katulad ni Jonas na naging palatandaan sa mga taga-Nineveh, ganoon din na ang Anak ng Tao ay magiging palatandaan sa salinlahi na ito. 31 Ang Reyna ng Timog ay tatayo sa paghuhukom kasama ng mga tao sa salinlahi na ito at sila ay hahatulan niya, sapagkat siya ay nanggaling sa dulo ng mundo upang makinig sa karunungan ni Solomon, at tingnan ninyo, narito ang higit na dakila kaysa kay Solomon. 32 Ang mga tao ng Nineveh ay tatayo sa paghuhukom kasama ng mga tao sa salinlahi na ito at hahatulan ito, sapagkat sila ay nagsisi sa pangangaral ni Jonas, at tingnan ninyo, narito ang higit na dakila kaysa kay Jonas. 33 Wala kahit sino na matapos sindihan ang ilawan ay ilalagay ito sa madilim na silid o sa ilalim ng basket, kung hindi ay sa patungan ng ilawan para magkaroon ng ilaw ang pumapasok. 34 Ang iyong mata ay ilawan ng iyong katawan. Kapag ang iyong mata ay malinaw, ang buong katawan ay napupuno ng liwanag. Ngunit kung ang iyong mata ay malabo, ang iyong buong katawan ay puno ng kadiliman. 35 Samakatuwid kayo ay mag-ingat na ang liwanag na nasa inyo ay hindi kadiliman. 36 Kung ganoon nga, na ang iyong buong katawan ay puno ng liwanag, na walang bahagi nito na nasa kadiliman, ang iyong buong katawan ay magiging tulad ng ilawan na kumikinang ang liwanag sa iyo." 37 Nang matapos siyang magsalita, isang Pariseo ang humiling sa kaniya na kumain kasama niya sa kaniyang bahay, kung kaya pumasok si Jesus at sumandal. 38 At ang Pariseo ay nagulat dahil hindi muna siya naghugas bago ang hapunan. 39 Ngunit sinabi ng Panginoon sa kaniya, "Kayong mga Pariseo, nililinis ninyo ang labas ng mga tasa at mga mangkok, ngunit ang inyong loob ay puno ng kasakiman at kasamaan. 40 Kayong mga walang saysay na tao! Hindi ba ang gumawa ng labas ay siya ring gumawa ng loob? 41 Ibigay ninyo sa mga mahihirap ang nasa loob at ang lahat ng bagay ay magiging malinis para sa inyo. 42 Sa aba ninyong mga Pariseo, sapagkat ibinibigay ninyo ang ikapu ng yerbabuena at ruda at ang bawat ibang halaman sa hardin ngunit pinababayaan ninyo ang katarungan at ang pag-ibig ng Diyos. Kinakailangan na kumilos nang may katarungan at may pagmamahal sa Diyos na hindi rin pinababayaan na gawin ang ibang mga bagay. 43 Sa aba ninyong mga Pariseo, sapagkat gustong gusto ninyo ang mga upuan sa unahan sa mga sinagoga at mga magalang na pagbati sa mga pamilihan. 44 Sa aba ninnyo sapagkat kayo ay katulad ng libingan na walang marka na nilalakaran ng mga tao nang hindi nila nalalaman." 45 At isang tagapagturo ng mga kautusan ng Judio ang sumagot sa kaniya at nagsabi, "Guro, ang sinabi mo ay isang insulto rin sa amin." 46 Sinabi ni Jesus, "Sa aba ninyo, mga tagapagturo ng kautusan! Sapagkat ipinapapasan ninyo sa mga tao ang mga pasanin na mahirap dalhin ngunit hindi man lang ninyo hinahawakan ang mga pasanin na iyon sa isa sa inyong sariling mga daliri. 47 Sa aba ninyo, sapagkat nagtatayo kayo ng mga bantayog para sa libingan ng mga propeta subalit ang inyong mga ninuno ang pumatay sa kanila. 48 Kaya kayo ay mga saksi at nagpahintulot sa ginawa ng inyong mga ninuno dahil tunay nga na pinatay nila ang mga propeta na siyang pinatayuan ninyo ng mga bantayog. 49 Sa kadahilanan ding ito, sinabi ng karunungan ng Diyos, 'Ako ay magpapadala sa kanila ng mga propeta at mga apostol, at uusigin nila at papatayin ang iba sa kanila.' 50 Kung gayon ang salinlahi na ito ang may pananagutan sa lahat ng dugo ng mga propeta na dumanak mula sa simula ng mundo, 51 mula sa dugo ni Abel hanggang sa dugo ni Zacarias, na pinatay sa pagitan ng altar at santuwaryo. Oo, sinasabi ko sa inyo, ang salinlahi na ito ang may pananagutan. 52 Sa aba ninyong mga tagapagturo ng mga kautusan ng Judio sapagkat kinuha ninyo ang susi ng kaalaman, kayo mismo ay hindi pumapasok at hinahadlangan ninyo ang mga pumapasok." 53 Pagkatapos umalis ni Jesus doon, ang mga eskriba at ang mga Pariseo ay tutol sa kaniya at nakipagtalo sa kaniya tungkol sa maraming bagay, 54 sinusubukan siyang hulihin sa kaniyang mga salita.
Chapter 12
1 Samantala, nang ang libu-libong mga tao ay nagkatipon-tipon, na halos ang bawat isa ay nagkakatapak-tapakan, sinimulan muna niyang sabihin sa kaniyang mga alagad, "Mag-ingat sa lebadura ng mga Pariseo, na ang pagkukunwari. 2 Ngunit walang nakatago ang hindi maisisiwalat, at walang lihim ang hindi malalaman. 3 Kaya kung anuman ang inyong nasabi sa kadiliman ay maririnig sa liwanag, at anuman ang inyong ibinulong sa pinakaloob ng mga silid ay maihahayag sa ibabaw ng mga bubong. 4 Sinasabi ko sa inyo aking mga kaibigan, huwag kayong matakot sa mga pumapatay ng katawan, at pagkatapos iyon, ay wala na silang magagawa. 5 Ngunit babalaan ko kayo tungkol sa dapat ninyong katakutan. Katakutan ang taong pagkatapos pumatay ay may kapangyarihang itapon kayo sa impiyerno. Oo, sinasabi ko sa inyo, katakutan siya. 6 Hindi ba ang limang mga maya ay ipinagbibili sa dalawang maliit na barya? Ganun pa man, wala ni isa sa kanila ang nalilimutan sa paningin ng Diyos. 7 Ngunit kahit ang mga buhok ninyo sa ulo ay bilang na lahat. Huwag matakot. Higit kayong mas mahalaga kaysa sa maraming maya. 8 Sinasabi ko sa inyo, ang bawat taong kumikilala sa akin sa harap ng mga tao, kikilalanin din siya ng Anak ng Tao sa harap ng mga anghel ng Diyos, 9 ngunit ang magkaila sa akin sa harap ng mga tao ay ikakaila sa harap ng mga anghel ng Diyos. 10 Ang bawat taong magsasabi ng salita laban sa Anak ng Tao, ito ay patatawarin, ngunit ang lumapastangan sa Banal na Espiritu, ay hindi patatawarin. 11 Kung kayo ay dinala nila sa harap ng mga sinagoga, ng mga pinuno, at mga may kapangyarihan, huwag kayong matakot kung paano kayo magsasalita upang ipagtanggol ang inyong sarili, o kung ano ang inyong sasabihin, 12 dahil ang Banal na Espiritu ang magtuturo sa inyo sa oras na iyon kung ano ang dapat ninyong sabihin. 13 At isang lalaki mula sa napakaraming tao ang nagsabi sa kaniya, "Guro, sabihin mo sa aking kapatid na paghatian na namin ang mana", 14 Sinabi ni Jesus sa kaniya, "Ginoo, sino ang naglagay sa akin upang maging hukom o tagapamagitan ninyo?" 15 At sinabi niya sa kanila, "Mag-ingat na kayo ay hindi masakop ng lahat ng kasakimang pagnanasa, dahil ang buhay ng isang tao ay hindi batay sa kasaganaan ng kaniyang mga ari-arian." 16 Pagkatapos, nagsabi sa kanila si Jesus ng isang talinghaga, na nagsasabi, "Ang bukid ng isang mayamang tao ay umani ng masagana, 17 at nangatwiran sa kaniyang sarili, na nagsasabi, "Ano ang aking gagawin, dahil wala na akong paglagyan ng aking mga ani?' 18 Sinabi niya, 'Ito ang aking gagawin. Gigibain ko ang aking mga kamalig at tatayuan ko ng mas malalaki at doon ko ilalagay ang lahat ng aking butil at iba pang mga ari-arian. 19 Sasabihin ko sa aking kaluluwa, "Kaluluwa, marami kang mga ari-arian na naitago sa maraming taon. Magpahinga ng mabuti, kumain, uminom, at magpakasaya.'" 20 Ngunit sinabi ng Diyos sa kaniya, 'Hangal na tao, ang iyong kaluluwa ay kukunin ngayong gabi, at ang mga bagay na iyong inihanda, kanino mapupunta ang mga ito? 21 Ganyan ang isang tao na nag-iipon ng kayamanan para sa kaniyang sarili at hindi mayaman para sa Diyos." 22 Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad, "Kaya sinasabi ko sa inyo, huwag kayong mabahala tungkol sa inyong buhay—kung ano ang inyong kakainin, o tungkol sa inyong katawan—kung ano ang inyong susuotin. 23 Sapagkat ang buhay ay mas higit kaysa sa pagkain at ang katawan ay mas higit kaysa sa mga damit. 24 Isipin ninyo ang mga uwak, hindi sila naghahasik o umaani. Wala silang bodega o kamalig, ngunit sila ay pinapakain ng Diyos. Gaano na lamang kayo kahalaga kaysa sa mga ibon! 25 At sino sa inyo ang sa pag-aalala ay makapagdaragdag ng kahit isang kubit sa haba ng kaniyang buhay? 26 Kung gayon na hindi ninyo magawa ang kahit pinakamaliit na bagay, bakit kayo nababahala sa ibang mga bagay? 27 Isipin ninyo ang mga liryo—kung paano sila lumalaki. Sila ay hindi nagtatrabaho o ni nagsusulid man lang. Gayon pa man, sinasabi ko sa inyo, kahit si Solomon sa lahat ng kaniyang kaluwalhatian ay hindi nakapagdamit na tulad ng isa sa mga ito. 28 Kung dinamitan nga ng Diyos ang damo sa bukid, na nananatili ngayon, at bukas ay itatapon sa pugon, gaano pa kayo na kaniyang dadamitan, O kayong mga maliit ang pananampalataya! 29 Huwag hanapin kung ano ang inyong kakainin, at kung ano ang inyong iinumin, at huwag kayong mabahala. 30 Dahil ang mga bagay na ito ang hinahanap ng lahat ng mga bansa sa mundo, at alam ng inyong Ama na kailangan ninyo ang mga bagay na ito. 31 Ngunit hanapin ang kaniyang kaharian, at ang lahat ng bagay na ito ay maidadagdag sa inyo. 32 Huwag matakot, maliit na kawan, dahil ang inyong Ama ay lubos na nalulugod na ibigay sa inyo ang kaharian. 33 Ipagbili ang inyong mga ari-arian at ibigay ito sa mahihirap. Gumawa kayo ng inyong mga sariling mga pitaka na hindi nasisira—mga kayamanan sa kalangitan na hindi nawawala, na hindi nilalapitan ng magnanakaw, at hindi sinisira ng tanga. 34 Sapagkat kung nasaan ang inyong kayamanan ay naroon din ang inyong puso. 35 Isuksok ninyo ang inyong mahabang damit sa inyong sinturon, at panatilihing nag-aapoy ang inyong mga ilawan, 36 at maging katulad kayo ng mga taong naghihintay sa kanilang amo na bumalik mula sa kasalan, upang kung siya ay bumalik at kumatok, agad nilang bubuksan ang pinto para sa kaniya. 37 Pinagpala ang mga lingkod na iyon, na masusumpungan ng amo na nagbabantay sa kaniyang pagbabalik. Totoo, sinasabi ko sa inyo na isusuksok niya ang mahaba niyang damit sa kaniyang sinturon, pauupuin sila para sa pagkain, at lalapit at pagsisilbihan sila. 38 Kung ang amo ay dadating sa pangalawang pagbantay sa gabi o kahit sa pangatlong pagbantay at nakita silang handa, pinagpala ang mga lingkod na iyon. 39 Dagdag pa nito alamin ninyo ito, na kung alam ng amo ang oras ng pagdating ng magnanakaw, hindi niya hahayaang mapasok ang kaniyang tahanan. 40 Maging handa din, dahil hindi niyo alam ang oras ng pagdating ng Anak ng Tao." 41 Sinabi ni Pedro, "Panginoon, sa amin mo lamang ba sinasabi ang talinghagang ito o para rin sa lahat?" 42 Sinabi ng Panginoon, "Sino ngayon ang tapat at matalinong tagapamahala na itatakda ng kaniyang panginoon para sa ibang lingkod upang ibigay sa kanila ang kanilang bahagi ng pagkain sa tamang panahon? 43 Pinagpala ang lingkod na iyon, na masusumpungan ng kaniyang panginoon na gumagawa niyan sa kaniyang pagdating. 44 Totoong sinasabi ko sa inyo na siya ay gagawing tagapamahala sa lahat ng kaniyang ari-arian. 45 Ngunit kung sinasabi ng lingkod na iyon sa kaniyang puso, "Matatagalan pa ang pagbabalik ng aking panginoon,' at sinimulan niyang bugbugin ang mga lalaki at babaeng lingkod, at kakain at iinom, at malalasing, 46 ang panginoon ng lingkod na iyon ay darating sa araw na hindi niya inaasahan, at sa oras na hindi niya nalalaman, at siya ay pagpipira-pirasuhin at magtatalaga siya ng lugar para sa kaniya kasama ang mga hindi tapat. 47 Ang lingkod na iyon, na alam ang kalooban ng kaniyang panginoon at hindi naging handa o ginawa ang ayon sa kaniyang kalooban, ay mabubugbog nang madami. 48 Ngunit ang hindi nakakaalam, at gumawa ng mga bagay na karapat-dapat sa pagbugbog, ay mabubugbog nang kaunti. Ang lahat ng binigyan ng marami, marami din ang hihingiin sa kaniya, at ang pinagkatiwalaan ng marami, marami ang hihingiin nila sa kaniya. 49 Pumarito ako upang magbaba ng apoy sa mundo, at ninanais ko na ito ay magningas. 50 Ngunit mayroon akong bautismo na kailangang danasin, at labis akong namimighati hanggang sa ito ay matapos! 51 Iniisip ba ninyo na ako ay naparito upang magdala ng kapayapaan sa mundo? Hindi, sinasabi ko sa inyo, sa halip ay pagkabaha-bahagi. 52 Dahil mula ngayon may lima sa isang tahanan na magkakabaha-bahagi—tatlong tao laban sa dalawa at dalawang tao laban sa tatlo. 53 Sila ay magkakabaha-bahagi, ama laban sa anak na lalaki at anak na lalaki laban sa ama; ina laban sa anak na babae at anak na babae laban sa ina; ang biyenan na babae laban sa manugang na babae at manugang na babae laban sa biyenan na babae. 54 Sinasabi din ni Jesus sa napakaraming tao, "Kung nakikita ninyong namumuo ang ulap sa kanluran, agad ninyong sinasabi, 'May ulan na paparating', at gayon ang nangyayari. 55 At kung iihip ang hangin sa timog, sinasabi ninyo, 'Magkakaroon ng matinding init,' at ito ay nangyayari. 56 Mga mapagkunwari, alam ninyo kung paano ipakahulugan ang anyo ng mundo at kalangitan, ngunit paanong hindi ninyo alam bigyang-kahulugan ang kasalukuyang panahon? 57 Bakit hindi ninyo hatulan kung ano ang tama para sa inyong mga sarili? 58 Sapagkat kung ikaw ay pupunta sa harapan ng hukom kasama ang iyong kaaway, sa daan ay sikapin mong ayusin ang hindi pagkakaintindihan sa kaniya upang hindi ka niya kaladkarin sa hukom, upang hindi ka dalhin ng hukom sa opisyal at hindi ka ilagay ng opisyal sa bilangguan. 59 Sinasabi ko sa iyo, hindi ka makakalaya mula doon hanggang mabayaran mo ang kahuli-hulihang salapi."
Chapter 13
1 Nang panahong iyon, sinabi sa kaniya ng ilang tao na naroon ang tungkol sa mga taga-Galilea, na ang dugo ng mga ito'y inihalo ni Pilato sa kanilang mga sariling alay. 2 Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, "Sa tingin ba ninyo ay mas makasalanan ang mga taga-Galilea na ito kaysa sa ibang mga taga-Galilea dahil nagdusa sila sa ganitong paraan? 3 Hindi, sinasabi ko sa inyo. Ngunit kung hindi kayo magsisisi, mamamatay kayong lahat sa ganoon ding paraan. 4 O iyong labing walong tao sa Siloam na nabagsakan ng tore at namatay, sa tingin ba ninyo ay mas makasalanan sila kaysa sa ibang tao sa Jerusalem? 5 Hindi, sinasabi ko. Ngunit kung hindi kayo magsisisi, lahat kayo ay mamatay din." 6 Sinabi ni Jesus ang talinghagang ito, "May isang taong may isang puno ng igos na nakatanim sa kaniyang ubasan at dumating siya at naghanap ng bunga nito ngunit wala siyang matagpuan. 7 Sinabi niya sa hardinero, 'Tingnan mo, tatlong taon na akong pumaparito, at sinubukang maghanap ng bunga ng puno ng igos na ito ngunit wala akong natagpuan. Putulin mo ito. Bakit hahayaang sayangin nito ang lupa?' 8 Sumagot ang hardinero at sinabi, 'Pabayaan mo muna ito sa taong ito hanggang sa aking mahukayan ang palibot nito at malagyan ito ng pataba. 9 Kung mamunga ito sa susunod na taon, mabuti; ngunit kung hindi, putulin mo ito!"' 10 Ngayon, nagtuturo si Jesus sa isa sa mga sinagoga sa Araw ng Pamamahinga. 11 Masdan, may isang babaeng naroon na labing-walong taon nang may masamang espiritu ng panghihina, at siya ay baluktot at hindi siya lubusang makatayo. 12 Nang makita siya ni Jesus, tinawag niya ito at sinabi, "Babae, napalaya ka na mula sa iyong panghihina." 13 Ipinatong niya ang kaniyang mga kamay sa babae, at kaagad siyang naunat at niluwalhati niya ang Diyos. 14 Ngunit nagalit ang pinuno ng sinagoga dahil nagpagaling si Jesus sa Araw ng Pamamahinga. Kaya sumagot ang pinuno at sinabi sa maraming mga tao, "May anim na araw kung saan kinakailangang magtrabaho. Pumarito kayo at mapagaling sa mga araw na iyon, huwag sa Araw ng Pamamahinga." 15 Sinagot siya ng Panginoon at sinabi, "Mga mapagkunwari! Hindi ba kinakalag ng bawat isa sa inyo ang tali ng kaniyang asno o baka mula sa sabsaban nito upang painumin sa Araw ng Pamamahinga? 16 Kaya ito ring babaeng anak ni Abraham, na labing-walong taon nang iginapos ni Satanas, hindi ba nararapat kalagan ang kaniyang gapos sa Araw ng Pamamahinga?" 17 Nang sinabi niya ang mga bagay na ito, lahat ng sumalungat sa kaniya ay napahiya, ngunit nagagalak ang maraming tao sa mga maluwalhating bagay na kaniyang ginawa. 18 At sinabi ni Jesus, "Ano ang katulad ng kaharian ng Diyos, at ano ang maaari kong ihambing dito? 19 Ito ay tulad ng isang buto ng mustasa na kinuha ng isang tao at inihagis sa kaniyang halamanan, at ito ay tumubo at naging isang malaking puno, at namugad sa mga sanga nito ang mga ibon sa langit." 20 Muli, sinabi niya, "Saan ko maaaring ihambing ang salita ng Diyos? 21 Ito ay tulad ng lebadura na kinuha ng isang babae at inihalo sa tatlong takal ng harina hanggang sa ito ay umalsa." 22 Binisita ni Jesus ang bawat bayan at baryo sa daan patungong Jerusalem at tinuruan sila. 23 May nagsabi sa kaniya, "Panginoon, kakaunti lamang bang tao ang maliligtas?" Kaya sinabi niya sa kanila, 24 "Pagsikapan ninyong pumasok sa makipot na pintuan, dahil marami ang susubok ngunit hindi sila makakapasok. 25 Kapag tumayo na ang may-ari ng bahay at isinara ang pintuan, at kayo ay tatayo sa labas at kakalabugin ang pinto at sasabihin, 'Panginoon, Panginoon, papasukin mo kami.' At siya ay sasagot at sasabihin sa inyo, 'Hindi ko kayo kilala o kung taga-saan kayo.' 26 Pagkatapos ay inyong sasabihin, 'Kami ay kumain at uminom sa iyong harapan at nagturo ka sa aming mga lansangan.' 27 Ngunit sasagot siya, 'Sinasabi ko sa inyo, hindi ko alam kung taga-saan kayo. Lumayo kayo sa akin, kayong mga gumagawa ng masama!' 28 Magkakaroon ng pagnanangis at pagngangalit ng ngipin kapag nakita ninyo sina Abraham, Isaac, Jacob at ang lahat ng propeta sa kaharian ng Diyos, ngunit kayo—kayo ay itinapon sa labas. 29 Darating sila mula sa silangan, kanluran, hilaga, at timog at sila ay uupo sa hapag-kainan sa kaharian ng Diyos. 30 At alamin ninyo ito, ang mga pinakahuli ay ang mga una, at ang una ay magiging huli." 31 Hindi nagtagal, may ilang mga Pariseong dumating at sinabi sa kaniya, "Pumunta ka at umalis dito dahil nais kang patayin ni Herodes." 32 Sinabi ni Jesus, "Pumunta kayo at sabihin sa asong-gubat na iyon, 'Tingnan mo, nagpapalayas ako ng mga demonyo at nagpapagaling ako ngayon at bukas, at sa ikatlong araw ay maaabot ko ang aking layunin.' 33 Gayunman, kinakailangan na ako ay magpatuloy ngayon, bukas at sa susunod na araw, sapagkat hindi katanggap-tanggap na pumatay ng isang propeta sa labas ng Jerusalem. 34 Jerusalem, Jerusalem, na pumapatay ng mga propeta at bumabato sa mga ipinadala sa iyo. Kaydalas kong ninais na tipunin ang iyong mga anak tulad ng pagtitipon ng inahing manok sa kaniyang mga sisiw sa ilalim ng kaniyang mga pakpak, ngunit hindi mo ito ninais. 35 Tingnan mo, iniwan ang iyong bahay. Sinasabi ko sa iyo, hindi mo ako makikita hanggang sabihin mo, 'Pinagpala siya na dumarating sa pangalan ng Panginoon."'
Chapter 14
1 Nangyari sa isang Araw ng Pamamahinga, nang pumunta si Jesus sa bahay ng isa sa mga pinuno ng mga Pariseo upang kumain ng tinapay, na minamanmanan nila si Jesus. 2 Masdan ito, doon sa kaniyang harapan ay may isang lalaking nagdurusa dahil sa pamamanas. 3 Tinanong ni Jesus ang mga dalubhasa sa kautusan ng Judio at ang mga Pariseo, "Naaayon ba sa batas na magpagaling sa Araw ng Pamamahinga o hindi?" 4 Ngunit nanatili silang tahimik. Kaya hinawakan siya ni Jesus, pinagaling siya at pinaalis. 5 Sinabi niya sa kanila, "Sino sa inyo ang may isang lalaking anak o isang baka na kapag mahulog sa balon sa Araw ng Pamamahinga, ang hindi kaagad mag-aahon sa kaniya?" 6 Hindi sila nakapagbigay ng sagot sa mga bagay na ito. 7 Nang mapansin ni Jesus kung paano pinili ng mga inanyayahan ang mga upuang pandangal, nagsabi siya ng isang talinghaga, sinasabi sa kanila, 8 "Kapag inanyayahan ka ng isang tao sa isang kasalan, huwag kang umupo sa mga upuang pandangal dahil maaaring may isang taong naanyayahan na mas pinararangalan kaysa sa iyo. 9 Kapag dumating ang taong nag-anyaya sa inyong dalawa, sasabihin niya sa iyo, 'Ibigay mo sa taong ito ang iyong upuan,' at sa kahihiyan lilipat ka sa kababababaang dako. 10 Ngunit kapag ikaw ay inanyayahan, pumunta ka at umupo sa kababababaang dako, upang kung dumating ang taong nag-anyaya sa iyo, maaari niyang sabihin sa iyo, 'Kaibigan, lumipat ka sa mas mataas.' At ikaw ay mapararangalan sa harapan ng lahat ng kasalo mo sa hapag. 11 Sapagkat ang bawat nagmamataas ay maibababa at siya na nagpapakababa ay maitataas. 12 Sinabi rin ni Jesus sa taong nag-anyaya sa kaniya, "Kapag naghanda ka ng pananghalian o hapunan, huwag mong anyayahan ang iyong mga kaibigan, o ang iyong mga kapatid, o ang iyong mga kamag-anak o ang mga mayayaman mong kapit-bahay, sapagkat maaari ka din nilang anyayahan at ikaw ay mababayaran. 13 Ngunit kapag ikaw ay maghahanda ng salu-salo, anyayahan mo ang mga mahihirap, ang mga lumpo, ang mga pilay, at ang mga bulag, 14 at ikaw ay pagpapalain dahil hindi ka nila mababayaran. Sapagkat ikaw ay mababayaran sa muling pagkabuhay ng mga matuwid." 15 Nang marinig ng isa sa mga taong kasalo ni Jesus ang mga bagay na ito, sinabi niya kay Jesus, "Pinagpala siya na kakain ng tinapay sa kaharian ng Diyos!" 16 Ngunit sinabi ni Jesus sa kaniya, "May isang taong naghanda ng malaking hapunan at inanyayahan ang marami. 17 Nang maihanda na ang hapunan, inutusan niya ang kaniyang utusan na sabihin sa mga naanyayahan, 'Halikayo, dahil nakahanda na ang lahat.' 18 Silang lahat ay pare-parehong nagsimulang magdahilan. Sabi ng una sa kaniya, 'Bumili ako ng bukid at kinakailangan kong umalis at tingnan ito.' Pakiusap ipagpaumanhin mo ako.' 19 At sinabi naman ng isa, 'Bumili ako ng limang pares na baka, at pupunta ako upang subukan ang mga ito. Pakiusap ipagpaumanhin mo ako.' 20 At sabi naman ng isang lalaki, 'Kakakasal ko pa lamang sa aking asawa, at kaya hindi ako makakadalo.' 21 Dumating ang utusan at sinabi sa kaniyang panginoon ang mga bagay na ito. Pagkatapos, nagalit ang panginoon ng bahay at sinabi sa kaniyang utusan, 'Bilisan mo, pumunta ka sa mga kalye at sa mga daanan ng lungsod at dalhin mo dito ang mga mahihirap, ang mga bulag, at ang mga pilay.' 22 Sinabi ng utusan, 'Panginoon, ang iyong iniutos ay nagawa na, ngunit mayroon pa ring silid.' 23 Sinabi ng panginoon sa utusan, 'Pumunta ka sa mga kalsada at sa mga bakuran at pilitin mo silang pumasok, upang mapuno ang aking bahay. 24 Sapagkat sinasabi ko sa iyo, wala sa mga taong naunang naanyayahan ang makakatikim ng aking hapunan.'" 25 Ngayon maraming tao ang sumasama sa kaniya, at bumaling siya at sinabi sa kanila, 26 "Kung sinuman ang lumapit sa akin at hindi namumuhi sa kaniyang sariling ama, ina, asawa, anak, mga kapatid—oo, at pati ang kaniyang sariling buhay—hindi siya maaaring maging alagad ko. 27 Ang sinumang hindi magbubuhat ng kaniyang sariling krus at sumunod sa akin ay hindi maaaring maging alagad ko. 28 Sapagkat sino sa inyo, ang naghahangad na magtayo ng isang tore, ang hindi muna mauupo at bibilangin ang gastos upang kuwentahin kung nasa kaniya ang mga kailangan niya upang ito ay tapusin? 29 Kung hindi, kapag nagtayo siya ng pundasyon at hindi ito natapos, sisimulan siyang kutyain ng lahat ng mga makakakita nito, 30 sinasabi, 'Ang taong ito ay nagsimulang magtayo at hindi niya natapos.' 31 O anong hari, sa kaniyang pagpunta upang sagupain sa digmaan ang isa pang hari, ang hindi muna mauupo at hihingi ng payo kung kaya ba niya kasama ang sampung libong tao na labanan ang isa pang hari na dumarating laban sa kaniya na may kasamang dalawampung libong tao? 32 At kung hindi, habang malayo pa ang hukbo na iyon, magpapadala siya ng kinatawan at hihingi ng mga kailangan sa pagkakasundo. 33 Kaya, hindi maaaring maging alagad ko ang sinuman sa inyo na hindi magsusuko ng lahat ng nasa kaniya. 34 Ang asin ay mabuti, ngunit kung nawala ang lasa ng asin, paano ito magiging maalat muli? 35 Ito ay wala nang pakinabang sa lupa o kahit pa sa tumpok ng dumi. Itinatapon ito. Siya na may tainga upang makarinig, makinig."
Chapter 15
1 Ngayon, ang lahat ng mga maniningil ng buwis at iba pang mga makasalanan ay lumalapit kay Jesus upang makinig sa kaniya. 2 Nagbulung-bulungan ang mga Pariseo at mga eskriba sa isa't isa, sinasabi, "Malugod na tinatanggap ng taong ito ang mga makasalanan, at kumakain pa kasama nila." 3 Sinabi ni Jesus ang talinghagang ito sa kanila, sinasabi, 4 "Sino sa inyo, kung mayroon siyang isang daang tupa at pagkatapos nawala ang isa sa kanila, ang hindi iiwanan ang siyamnapu't siyam sa ilang, at hahanapin ang nawawala hanggang sa matagpuan niya ito? 5 Pagkatapos, kapag natagpuan niya ito, pinapasan niya ito sa kaniyang mga balikat at nagagalak. 6 Pagdating niya sa bahay, tinitipon niya ang kaniyang mga kaibigan at mga kapitbahay, sinasabi sa kanila, 'Makisaya kayo sa akin, sapagkat natagpuan ko ang aking nawawalang tupa.' 7 Sinasabi ko sa inyo na gayon din, magkakaroon ng kagalakan sa langit sa isang makasalanang nagsisisi, higit pa sa siyamnapu't siyam na taong matuwid na hindi kailangang magsisi. 8 O sinong babaing may sampung pilak na barya, kung mawalan siya ng isang barya, ang hindi magsisindi ng ilawan, magwawalis sa bahay, at masikap na maghahanap hanggang sa matagpuan niya ito? 9 At kapag natagpuan niya ito, tinitipon niya ang kaniyang mga kaibigan at mga kapitbahay, sinasabi, 'Makisaya kayo sa akin, sapagkat natagpuan ko ang baryang nawala ko.' 10 Gayon din, sinasabi ko sa inyo, may kagalakan sa kinaroroonan ng mga anghel ng Diyos sa isang makasalanang nagsisisi. 11 Pagkatapos, sinabi ni Jesus, "May isang lalaking may dalawang lalaking anak, 12 at sinabi ng nakababata sa kanila sa kaniyang ama, 'Ama, ibigay mo na sa akin ngayon ang ari-arian na nararapat na manahin ko.' Kaya hinati niya ang kaniyang kayamanan sa pagitan nila. 13 Pagkaraan ng ilang mga araw, tinipon ng nakababatang anak ang lahat ng kaniyang pag-aari at pumunta sa isang malayong bansa, at doon ay winaldas niya ang kaniyang pera sa pagbili ng mga bagay na hindi niya kailangan, at pag-aaksaya ng kaniyang pera sa masamang pamumuhay. 14 Ngayon, nang naubos na niya ang lahat, matinding taggutom ang lumaganap sa buong bansang iyon, at siya ay nagsimulang mangailangan. 15 Siya ay pumunta at namasukan sa isa sa mga mamamayan ng bansang iyon, na nagpapunta sa kaniya sa kaniyang bukirin upang magpakain ng mga baboy. 16 At nais na sana niyang kainin ang mga balat ng buto na kinakain ng mga baboy dahil walang nagbigay sa kaniya ng anumang makakain. 17 Ngunit nang nakapag-isip-isip ang nakababatang anak, sinabi niya, 'Napakaraming mga upahang utusan ng aking ama ang may higit pa sa sapat na pagkain, at ako ay nandito, namamatay sa gutom! 18 Aalis ako rito at pupunta sa aking ama, at sasabihin ko sa kaniya, "Ama, ako ay nagkasala laban sa langit at sa iyong paningin. 19 Hindi na ako karapat-dapat na tawaging anak mo; gawin mo akong isa sa iyong mga upahang utusan.'" 20 Kaya umalis ang nakababatang anak at pumunta sa kaniyang ama. Habang siya ay malayo pa, nakita siya ng kaniyang ama, at siya ay nahabag, at tumakbo, at niyakap at hinagkan siya. 21 Sinabi ng anak sa kaniya, "Ama, ako ay nagkasala laban sa langit at sa iyong paningin. Hindi ako karapat-dapat na tawaging anak mo." 22 Sinabi ng ama sa kaniyang mga utusan, 'Kunin ninyo kaagad ang pinakamagandang balabal, at isuot sa kaniya, at lagyan ng sing-sing ang kaniyang kamay, at sandalyas ang kaniyang mga paa. 23 Pagkatapos, dalhin ninyo dito ang pinatabang guya at katayin. Tayo ay magsikain at magdiwang. 24 Sapagkat ang anak ko ay namatay, at ngayon siya ay nabuhay. Siya ay nawala, at ngayon siya ay natagpuan.' At sila ay nagsimulang magdiwang. 25 Sa panahong iyon, ang kaniyang nakatatandang anak ay nasa bukid. Nang siya ay dumating at palapit na sa bahay, narinig niya ang tugtugan at sayawan. 26 Tinawag niya ang isa sa mga utusan at tinanong kung ano ang mga bagay na ito. 27 Sinabi ng utusan sa kaniya, 'Dumating ang iyong kapatid at nagpakatay ang iyong ama ng pinatabang guya, dahil nakabalik siya nang ligtas.' 28 Nagalit ang nakatatandang anak, at ayaw niyang pumasok, at lumabas ang kaniyang ama, at pinakiusapan siya. 29 Ngunit sumagot ang nakatatandang anak at sinabi sa kaniyang ama, 'Tingnan mo, nagpa-alipin ako sa iyo sa loob ng maraming taon, at kailanman ay hindi ako sumuway sa iyong utos, ngunit kailanman ay hindi mo ako binigyan ng isang batang kambing upang magdiwang ako kasama ng aking mga kaibigan, 30 ngunit nang dumating ang iyong anak, na umubos ng iyong kabuhayan sa mga babaing nagbebenta ng aliw, nagpakatay ka ng pinatabang guya para sa kaniya.' 31 Sinabi ng ama sa kaniya, 'Anak, lagi kitang kasama, at lahat ng sa akin ay sa iyo. 32 Ngunit dapat lang na tayo ay magdiwang at maging masaya, sapagkat ang kapatid mong ito ay namatay, at ngayon ay nabuhay; siya ay nawala, at ngayon ay natagpuan.'"
Chapter 16
1 Sinabi rin ni Jesus sa mga alagad, "May isang mayamang lalaki na may tagapamahala, at isinumbong sa kaniya na nilulustay ng tagapamahalang ito ang kaniyang pag-aari. 2 Kaya pinatawag siya ng mayamang lalaki at sinabi sa kaniya, 'Ano itong naririnig ko tungkol sa iyo? Magbigay-ulat ka ng iyong pamamahala, dahil ka na maaaring maging tagapamahala.' 3 Sinabi ng tagapamahala sa kaniyang sarili, 'Anong gagawin ko, dahil aalisin sa akin ng amo ko ang pagiging tagapamahala? Wala akong lakas na magbungkal, at nahihiya akong magpalimos. 4 Alam ko na ang aking gagawin, para kapag natanggal ako sa pagiging tagapamahala, malugod akong tatanggapin ng mga tao sa kanilang mga bahay.' 5 At tinawag ng tagapamahala ang mga tao na may utang sa kaniyang amo, at tinanong niya ang una, 'Magkano ang utang mo sa amo ko?' 6 Sinabi niya, 'Isang daang takal na langis ng olibo'. At sinabi niya sa kaniya, 'Kunin mo ang iyong kasulatan, umupo kang madali at isulat mong limampu.' 7 At sinabi ng tagapamahala sa isa pa, 'Magkano ang utang mo?' Sumagot siya, 'Isang daang takal ng trigo.' Sinabi niya sa kaniya, 'Kunin mo ang iyong kasulatan at isulat mong walumpu.' 8 At pinuri ng amo ang hindi makatarungang tagapamahala dahil kumilos siya nang may katusuhan. Sapagkat ang mga anak ng mundong ito ay mas tuso sa pakikitungo sa kanilang sariling tao kaysa mga anak ng liwanag. 9 Sinasabi ko sa inyo, makipagkaibigan kayo sa pamamagitan ng perang hindi makatarungan, para kapag ito ay naubos na, maaari ka nilang tanggapin sa walang hanggang tirahan. 10 Ang tapat sa kakaunti ay tapat din sa marami, at ang hindi makatarungan sa kakaunti ay hindi rin makatarungan sa marami. 11 Kung hindi ka naging tapat sa paggamit ng perang hindi makatarungan, sino ang magtitiwala sa iyo ng tunay na kayamanan? 12 At kung hindi ka naging tapat sa paggamit sa pera ng ibang tao, sino ang magbibigay sa iyo ng sarili mong pera? 13 Walang lingkod ang magkapaglilingkod sa dalawang amo, sapagkat kasusuklaman niya ang isa at mamahalin niya ang isa, o magiging tapat siya sa isa at kamumuhian niya ang isa. Hindi ninyo maaaring paglingkuran ang Diyos at ang kayamanan." 14 Ngayon ang mga Pariseo, na mangingibig ng pera, ay narinig ang lahat ng mga ito, at siya ay kanilang kinutya. 15 At sinabi niya sa kanila, "Pinapawalang-sala ninyo ang inyong mga sarili sa paningin ng mga tao, ngunit nalalaman ng Diyos ang inyong mga puso. Ang siya na dinadakila ng mga tao ay kasuklam-suklam sa paningin ng Diyos. 16 Ang kautusan at ang mga propeta ang umiiral hanggang sa dumating si Juan. Mula noon, ipinangaral ang ebanghelyo ng kaharian ng Diyos, at ang lahat ay sinusubukang pumasok nang pilit doon. 17 Ngunit mas madaling maglaho ang langit at lupa kaysa mawalan ng bisa ang isang kudlit ng isang letra ng kautusan. 18 Ang bawat taong hinihiwalayan ang kaniyang asawang babae at mag-asawa ng iba ay gumagawa ng pangangalunya, at ang mag-asawa sa babaing hiwalay sa kaniyang asawa ay magkakasala ng pangangalunya. 19 Ngayon, may isang mayamang lalaki na nakadamit ng kulay lila na gawa sa pinong lino, at araw-araw nagsasaya sa kaniyang labis na kayamanan. 20 May isang pulubi na nagngangalang Lazarus na pinahiga sa kaniyang tarangkahan na lipos ng sugat, 21 at inaasam-asam niyang kainin ang nahuhulog sa mesa ng mayamang tao—at maliban doon, lumapit ang mga aso at dinilaan ang kaniyang mga sugat. 22 At nangyari na namatay ang pulubi at dinala ng mga anghel sa kinaroroonan ni Abraham. Namatay din ang mayamang tao at inilibing, 23 at doon sa hades, sa kaniyang pagdurusa, tumingala siya at nakita si Abraham sa malayo at si Lazarus na nasa tabi niya. 24 At sumigaw siya at sinabi, 'Amang Abraham, maawa ka sa akin at papuntahin mo si Lazarus, upang isawsaw niya ang dulo ng kaniyang daliri sa tubig at palamigin ang aking dila, dahil naghihirap ako sa apoy na ito.' 25 Ngunit sinabi ni Abraham, 'Anak, alalahanin mo na sa buong buhay mo, natanggap mo ang mga magagandang bagay, at si Lazaro sa ganoon ding paraan ay masasamang bagay. Ngunit ngayon, siya ay inaaliw dito, at ikaw ay nagdurusa. 26 At maliban sa lahat ng ito, may malaking bangin na nakalagay upang ang mga gustong tumawid mula rito papunta sa iyo ay hindi makakatawid, at wala ring makakatawid mula riyan papunta sa amin.' 27 At sinabi ng mayamang tao, 'Nagmamakaawa ako, Amang Abraham, na papuntahin mo siya sa bahay ng aking ama— 28 sapagkat ako ay may limang kapatid na lalake—upang balaan niya sila, dahil baka pumunta rin sila sa lugar na ito ng pagdurusa.' 29 Ngunit sinabi ni Abraham, 'Nasa kanila si Moises at mga propeta; makinig sila sa kanila.' 30 Sumagot ang mayamang tao, 'Hindi, Amang Abraham, ngunit kung may pumunta sa kanila mula sa mga patay, magsisisi sila.' 31 Ngunit sinabi ni Abraham sa kaniya, 'Kung hindi sila makikinig kay Moises at sa mga propeta, hindi rin sila mahihikayat kung may mabuhay mula sa mga patay.". /.
Chapter 17
1 Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad, "Tiyak na darating ang mga bagay na magiging dahilan upang tayo ay magkasala, ngunit aba sa taong pagmumulan ng mga ito! 2 Mas mabuti pa sa kaniya kung bitinan ang kaniyang leeg ng isang gilingang bato at ihagis siya sa dagat, kaysa maging sanhi ng pagkakatisod ng maliliit na ito. 3 Mag-ingat kayo. Kung nagkasala ang iyong kapatid na lalaki, sawayin mo siya, at kung siya ay nagsisi, patawarin mo siya. 4 Kapag nagkasala siya laban sa iyo ng pitong beses sa isang araw, at pitong beses na bumalik sa iyo, sinasabi, 'Nagsisisi ako,' dapat mo siyang patawarin!" 5 Sinabi ng mga apostol sa Panginoon, "Dagdagan mo ang aming pananampalataya." 6 Sinabi ng Panginoon, "Kung may pananampalataya kayo na tulad ng isang butil ng mustasa, sasabihin ninyo sa puno ng sicamorong ito, 'Mabunot ka, at matanim sa dagat,' at kayo ay susundin nito. 7 Ngunit sino sa inyo, na may lingkod na nag-aararo o nag-aalaga ng tupa, ang magsasabi sa kaniya kapag nakabalik na siya mula sa bukid, 'Pumarito ka kaagad at umupo upang kumain'? 8 Hindi ba niya sasabihin sa kaniya, 'Maghanda ka ng kakainin ko, magbigkis ka at pagsilbihan mo ako hanggang sa matapos akong kumain at uminom. At pagkatapos, kumain ka at uminom'? 9 Hindi siya nagpapasalamat sa lingkod dahil ginawa niya ang mga bagay na iniutos, nagpapasalamat ba siya? 10 Ganoon din kayo, kapag nagawa ninyo ang lahat ng bagay na iniutos sa inyo, dapat ninyong sabihin, 'Hindi kami karapat-dapat na mga lingkod. Ginawa lang namin ang dapat naming gawin."' 11 Nangyari na habang sila ay nasa daan patungong Jerusalem, siya ay naglalakbay sa lupaing pagitan ng Samaria at Galilea. 12 At sa kaniyang pagpasok sa isang nayon, doon ay sinalubong siya ng sampung lalaking ketongin. Tumayo sila nang malayo sa kaniya 13 at nilakasan nila ang kanilang tinig, sinasabi, "Jesus, Amo, maawa ka sa amin." 14 Nang makita niya sila, sinabi niya sa kanila, "Pumunta kayo at ipakita ninyo ang inyong mga sarili sa mga pari." At nangyari nga na habang sila ay papunta, sila ay nalinisan. 15 Nang makita ng isa sa kanila na gumaling siya, bumalik siya nang may malakas na tinig na niluluwalhati ang Diyos. 16 Yumuko siya sa paanan ni Jesus, nagpapasalamat sa kaniya. Isa siyang Samaritano. 17 Sumagot si Jesus, sinabi, "Hindi ba sampu ang nilinis? 18 Nasaan ang siyam? Wala bang ibang bumalik upang luwalhatiin ang Diyos, maliban sa dayuhang ito?" 19 Sinabi niya sa kaniya, "Tumayo ka, at humayo. Pinagaling ka ng iyong pananampalataya." 20 Nang naitanong sa kaniya ng mga Pariseo kung kailan darating ang kaharian ng Diyos, sinagot sila ni Jesus at sinabi, "Ang kaharian ng Diyos ay hindi isang bagay na mapagmamasdan. Ni hindi nila sasabihin, 21 'Tumingin kayo rito!' o, 'Tumingin kayo roon!' dahil ang kaharian ng Diyos ay nasa inyo." 22 Sinabi ni Jesus sa mga alagad, "Darating ang mga araw na nanaisin ninyong makita ang isa sa mga araw ng Anak ng Tao, ngunit hindi ninyo ito makikita. 23 Sasabihin nila sa inyo, 'Tingnan ninyo, naroon!' o, 'Tingnan ninyo, narito!' Ngunit huwag kayong pumunta, ni sumunod sa kanila, 24 sapagkat gaya ng paglitaw ng kidlat kapag ito ay kumislap buhat sa isang panig ng kalangitan tungo sa ibang panig ng kalangitan, gayon din naman ang Anak ng Tao sa kaniyang araw. 25 Ngunit kailangan muna niyang magdusa ng labis at itakwil ng salinlahing ito. 26 Katulad ng nangyari sa panahon ni Noe, gayon din ang mangyayari sa mga araw ng Anak ng Tao. 27 Nagsisikain sila, nagsisiinom, nagsisipag-asawa at ibinibigay sila upang mag-asawa, hanggang sa araw na pumasok sa arko si Noe—at dumating ang baha at pinatay silang lahat. 28 Gayon din naman, katulad ng nangyari sa panahon ni Lot, sila ay nagsisikain, nagsisiinom, nagsisibili, nagsisitinda, nagsisipagtanim at sila ay nagsisipatayo ng gusali. 29 Ngunit nang araw na lumabas mula sa Sodoma si Lot, umulan ng apoy at asupre mula sa langit, at pinuksa silang lahat. 30 Ganoon din naman ang mangyayari sa araw na maihayag ang Anak ng Tao. 31 Sa araw na iyon, ang nasa taas ng bahay ay huwag nang bumaba upang ilabas ang kaniyang mga kagamitan sa bahay. At ang nasa bukid ay huwag nang bumalik. 32 Alalahanin ninyo ang asawa ni Lot. 33 Sinumang naghahangad na iligtas ang kaniyang buhay ay mawawalan nito, ngunit ang sinumang mawalan ng kaniyang buhay ay makapagliligtas nito. 34 Sinasabi ko sa inyo, sa gabing iyon ay mayroong dalawang tao sa isang higaan. Ang isa ay kukunin, at ang isa ay iiwan. 35 Mayroong dalawang babae ang magkasamang gigiling. Ang isa ay kukunin at ang isa ay iiwan." 36 (Mayroong dalawang tao sa bukid, ang isa ay kukunin at ang isa ay iiwan.) 37 Tinanong nila sa kaniya, "Saan, Panginoon?" At sinabi niya sa kanila, "Kung saan naroon ang bangkay, doon din nagtitipon ang mga buwitre."
Chapter 18
1 Pagkatapos, sinabi niya ang isang talinghaga sa kanila tungkol sa kung paano sila dapat laging manalangin, at huwag panghinaan ng loob, 2 sinasabi, "Sa isang lungsod, may isang hukom na hindi natatakot sa Diyos at hindi niya iginagalang ang mga tao. 3 Ngayon may isang babaeng balo sa lungsod na iyon, at madalas itong pumupunta sa kaniya, sinasabi, 'Tulungan mo akong makamit ang katarungan laban sa aking kaaway.' 4 Sa loob ng mahabang panahon hindi niya ito nais na tulungan, ngunit pagkatapos ng maikling panahon, sinabi niya sa kaniyang sarili, 'Bagaman hindi ako natatakot sa Diyos o hindi ko iginagalang ang tao, 5 ngunit dahil ginagambala ako ng balong ito, tutulungan ko siyang makamit ang katarungan, upang hindi niya ako pagurin sa kaniyang palagiang pagpunta rito."' 6 Pagkatapos sinabi ng Panginoon, "Pakinggan ninyo ang sinabi ng hindi makatarungang hukom. 7 Ngayon, hindi ba ibibigay din ng Diyos ang katarungan sa kaniyang mga hinirang na dumaraing sa kaniya araw at gabi? Hindi ba siya magiging matiyaga sa kanila? 8 Sinasabi ko sa inyo na agad niyang dadalhin ang katarungan sa kanila. Ngunit kapag dumating ang Anak ng Tao, may matatagpuan ba siyang pananampalataya sa lupa?" 9 At sinabi din niya ang talinghagang ito sa mga taong nagsasabi sa kanilang mga sarili na sila ay matuwid at humahamak sa ibang tao, 10 "Dalawang lalaki ang pumunta sa templo upang manalangin—ang isa ay Pariseo at ang isa naman ay maniningil ng buwis. 11 Tumayo ang Pariseo at ipinanalangin ang mga bagay na ito tungkol sa kaniyang sarili, 'Diyos, nagpapasalamat ako sa iyo dahil hindi ako katulad ng ibang taong magnanakaw, mga hindi matuwid, mga mangangalunya, o tulad ng maniningil ng buwis na ito. 12 Nag-aayuno ako ng dalawang beses bawat linggo. Ibinibigay ko ang ikapu ng lahat ng aking nakukuha.' 13 Ngunit ang maniningil ng buwis, na nakatayo sa di-kalayuan, ayaw man lang tumingin sa langit, ngunit dinadagukan niya ang kaniyang dibdib, sinasabi, 'Diyos, kaawaan mo ako, na isang makasalanan.' 14 Sinasabi ko sa inyo, umuwi ang taong ito sa kaniyang bahay na napawalang-sala kaysa sa isa, dahil maibababa ang bawat taong nagmamataas ng kaniyang sarili at maitataas ang bawat taong nagpapakababa ng kaniyang sarili." 15 Dinadala rin ng mga tao kay Jesus ang kanilang mga sanggol, upang sila ay kaniyang mahawakan, ngunit nang makita ito ng mga alagad, sinaway nila ang mga ito, 16 Ngunit pinalapit sila ni Jesus sa kaniya, sinasabi, "Payagan ninyo ang mga maliliit na bata na lumapit sa akin at huwag ninyo silang pagbawalan. Sapagkat ang kaharian ng Diyos ay nauukol sa mga gaya nila. 17 Totoo, sinasabi ko sa inyo, ang sinumang hindi tatanggap sa kaharian ng Diyos na tulad ng isang bata ay tiyak na hindi makapapasok doon." 18 Isang pinuno ang nagtanong sa kaniya, sinasabi, "Mabuting guro, ano ang kailangan kong gawin upang magmana ng buhay na walang hanggan?" 19 Sinabi ni Jesus sa kaniya, "Bakit mo ako tinatawag na mabuti? Walang mabuti, kundi ang Diyos lamang. 20 Alam mo ang mga kautusan—huwag kang mangalunya, huwag kang pumatay, huwag kang magnakaw, huwag kang magpatotoo ng kasinungalingan, igalang mo ang iyong ama at ina." 21 Sinabi ng pinuno, "Sinunod ko ang lahat ng bagay na ito mula pa sa aking pagkabata." 22 Nang marinig iyon ni Jesus, sinabi niya sa kaniya, "Isang bagay pa ang kulang sa iyo. Dapat mong ipagbili ang lahat ng mayroon ka at ipamahagi mo ito sa mga mahihirap, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit—at halika, sumunod ka sa akin." 23 Ngunit nang marinig ng mayamang lalaki ang mga bagay na ito, labis siyang nalungkot, sapagkat napakayaman niya. 24 Habang tinitingnan siya ni Jesus, lubha siyang nalungkot at sinabi, "Gaano na lamang kahirap para sa mga mayayaman na pumasok sa kaharian ng Diyos! 25 Sapagkat mas madali para sa isang kamelyo na pumasok sa butas ng isang karayom, kaysa sa isang taong mayaman na pumasok sa kaharian ng Diyos." 26 Sinabi ng mga nakarinig nito, "Kung ganoon sino ang maliligtas?" 27 Sumagot si Jesus, "Ang mga bagay na hindi magagawa ng mga tao ay magagawa ng Diyos." 28 Sinabi ni Pedro, "Tingnan mo, iniwan namin ang lahat ng aming pag-aari at sumunod sa iyo." 29 Kaya sinabi ni Jesus sa kanila, "Totoo, sinasabi ko sa inyo na walang sinumang nag-iwan ng kaniyang bahay, o asawang babae, o mga kapatid na lalaki, o mga magulang, o mga anak, para sa kapakanan ng kaharian ng Diyos, 30 ang hindi makatatanggap ng mas marami sa mundong ito at sa mundong darating, ng buhay na walang hanggan." 31 Pagkatapos niyang tipunin ang Labindalawa, sinabi niya sa kanila, "Masdan ninyo, paakyat tayo sa Jerusalem, at ang lahat ng bagay na isinulat ng mga propeta tungkol sa Anak ng Tao ay matutupad. 32 Sapagkat ibibigay siya sa mga Gentil, at kukutyain, at ipapahiya, at duduraan. 33 Pagkatapos siyang hagupitin, siya ay papatayin nila at sa ikatlong araw muli siyang mabubuhay." 34 Wala silang naunawaan sa mga bagay na ito, at ang salitang ito ay lingid sa kanila, at hindi nila naunawaan ang mga bagay na nasabi. 35 At nangyari, nang palapit si Jesus sa Jerico, may isang bulag na lalaking nakaupo sa tabi ng kalsada na namamalimos, 36 at nang narinig niya ang maraming tao na dumaraan, tinanong niya kung ano ang nangyayari. 37 Sinabi nila sa kaniya na dumaraan si Jesus na taga-Nazaret. 38 Kaya sumigaw ang bulag na lalaki, sinasabi, "Jesus, anak ni David, maawa ka sa akin." 39 Sinaway ng mga naunang naglalakad ang bulag na lalaki, sinasabi sa kaniya na manahimik. Ngunit lalo pa siyang sumigaw, "Anak ni David, maawa ka sa akin." 40 Huminto si Jesus at iniutos na dalhin sa kaniya ang lalaki. At nang malapit na ang bulag na lalaki, tinanong siya ni Jesus, 41 "Ano ang gusto mong gawin ko sa iyo?" Sinabi niya, "Panginoon, gusto kong makakita." 42 Sinabi ni Jesus sa kaniya, "Tanggapin mo ang iyong paningin. Pinagaling ka ng iyong pananampalataya." 43 Kaagad niyang natanggap ang kaniyang paningin, at sumunod sa kainya na niluluwalhati ang Diyos. Pagkakita nito, nagbigay ng papuri ang lahat ng tao sa Diyos.
Chapter 19
1 Pumasok si Jesus at dumaraan sa Jerico. 2 Masdan ninyo, mayroong lalaki doon na nagngangalang Zaqueo. Siya ay isang pinuno ng mga maniningil ng buwis at siya ay mayaman. 3 Sinusubukan niyang makita kung sino si Jesus, ngunit hindi niya makita sa dami ng tao, dahil siya ay maliit. 4 Kaya tumakbo siya sa unahan ng mga tao at umakyat sa isang puno ng sikamoro upang makita siya, dahil daraan si Jesus sa daang iyon. 5 Nang makarating si Jesus sa dakong iyon, tumingala siya at sinabi sa kaniya, "Zaqueo, bumaba ka agad, sapagkat sa araw na ito, kinakailangan kong manatili sa iyong tahanan." 6 Kaya nagmadali siya, bumaba at tinanggap siya nang may galak. 7 Nang makita ito ng lahat, dumaing silang lahat, sinasabi, "Pumunta siya upang bisitahin ang isang taong makasalanan." 8 Tumayo si Zaqueo at sinabi niya sa Panginoon, "Tingnan mo, Panginoon, ibabahagi ko sa mga mahihirap ang kalahati ng aking mga ari-arian, at kung ako ay may nadayang sinuman sa anuman, ibabalik ang halaga ng maka-apat na beses." 9 Sinabi ni Jesus sa kaniya, "Sa araw na ito, dumating ang kaligtasan sa bahay na ito, dahil anak din siya ni Abraham. 10 Sapagkat ang Anak ng Tao ay naparito upang hanapin at iligtas ang mga taong nawawala." 11 Habang pinakikinggan nila ang mga bagay na ito, nagpatuloy siyang magsalita at nagsabi ng isang talinghaga, dahil malapit siya sa Jerusalem, at inakala nila na ang kaharian ng Diyos ay magsisimula na kaagad. 12 Kaya sinabi niya, "May isang maharlikang pumunta sa malayong bansa upang tanggapin ang isang kaharian para sa kaniya at pagkatapos ay babalik. 13 Tinawag niya ang sampu sa kaniyang mga lingkod, at binigyan sila ng sampung mina, at sinabi sa kanila, 'Mag-negosyo kayo hanggang ako ay bumalik.' 14 Ngunit kinamuhian siya ng kaniyang mga mamamayan at pinasunod sa kaniya ang isang lupon ng kinatawan, sinasabi, 'Ayaw namin na ang taong ito ang mamuno sa amin.' 15 Nangyari nang siya ay bumalik, natanggap na niya ang kaharian, pinatawag niya ang mga lingkod na binigyan niya ng pera, upang malaman niya kung magkano ang kanilang tinubo sa pagnenegosyo. 16 Ang una ay lumapit sa kaniyang harapan, sinasabi, 'Panginoon, ang iyong mina ay nadagdagan pa ng sampung mina.' 17 Sinabi ng maharlika sa kaniya, 'Magaling, mabuting lingkod. Dahil ikaw ay naging tapat sa kakaunti, ikaw ay magkakaroon ng kapangyarihan sa sampung lungsod.' 18 Ang pangalawa dumating, sinasabi, 'Ang iyong mina, panginoon, ay nadagdagan pa ng limang mina.' 19 Sinabi sa kaniya ng maharlika, 'Mamamahala ka sa limang lungsod.' 20 At dumating ang isa pa, sinasabi, 'Panginoon, narito ang iyong mina, na maingat kong itinago sa isang tela, 21 sapagkat natatakot ako sa iyo, dahil ikaw ay mabagsik na tao. Kinukuha mo ang hindi mo iniipon, at inaani ang hindi mo inihasik.' 22 Sinabi sa kaniya ng maharlika, 'Huhusgahan kita ayon sa iyong mga salita, ikaw na masamang lingkod. Alam mo na ako ay mabagsik na tao, kinukuha ang hindi ko inilagay, at inaani ang hindi ko inihasik. 23 Kung gayon bakit hindi mo inilagay ang aking pera sa bangko, upang sa pagbalik ko, makuha ko ito nang may kasamang tubo?' 24 Sinabi ng maharlika sa mga nakatayo doon, 'Kunin ninyo ang mina sa kaniya, at ibigay ninyo sa may sampung mina.' 25 Sinabi nila sa kaniya, 'Panginoon, mayroon siyang sampung mina.' 26 'Sinasabi ko sa inyo, na ang lahat ng mayroon ay mabibigyan pa ng mas marami, ngunit sa kaniya na wala, kahit ang mayroon siya ay kukunin sa kaniya. 27 Ngunit ang aking mga kaaway, ang mga may ayaw na maghari ako sa kanila, dalhin ninyo sila rito at patayin sila sa harapan ko.'" 28 Nang nasabi na niya ang mga bagay na ito, nauna na siyang pumunta, paakyat sa Jerusalem. 29 At nangyari nang palapit na siya sa Bethfage at sa Bethania, sa bundok na tinatawag na Olivet, nagsugo siya ng dalawa sa mga alagad, 30 sinasabi, "Pumunta kayo sa kabilang nayon. Sa inyong pagpasok, matatagpuan ninyo ang isang bisiro na hindi pa kailanman nasasakyan. Kalagan ninyo ito at dalhin sa akin. 31 Kung may magtatanong sa inyo, 'Bakit ninyo kinakalagan iyan?' sabihin ninyo, 'Kailangan ito ng Panginoon.'" 32 Ang mga isinugo ay pumunta at natagpuan ang bisiro gaya ng sinabi ni Jesus sa kanila. 33 Habang kinakalagan nila ang bisiro, sinabi ng mga may-ari sa kanila, "Bakit ninyo kinakalagan ang bisiro?" 34 Sinabi nila, "Kailangan ito ng Panginoon." 35 Dinala nila ito kay Jesus, at inilagay nila ang kanilang mga kasuotan sa ibabaw ng bisiro at pinasakay si Jesus. 36 Habang siya ay nagpapatuloy, inilatag nila ang kanilang mga kasuotan sa daan. 37 Nang palapit na siya sa libis ng Bundok ng mga Olibo, ang buong karamihan ng mga alagad ay nagsimulang magalak at magpuri sa Diyos nang may malakas na tinig dahil sa lahat ng mga kamangha-manghang gawa na kanilang nakita, 38 na sinasabi, "Pinagpala ang hari na naparito sa pangalan ng Panginoon! Kapayapaan sa langit at kaluwalhatian sa kataastaasan!" 39 Sinabi sa kaniya ng ilan sa mga Pariseong kasama ng maraming tao, "Guro, sawayin mo ang iyong mga alagad." 40 Sumagot si Jesus at sinabing, "Sinasabi ko sa inyo, kung tatahimik sila, ang mga bato ay sisigaw." 41 Nang palapit na si Jesus sa lungsod, iniyakan niya ito, 42 sinasabi, "Kung alam mo lang sa araw na ito, kahit ikaw, ang mga bagay na magbibigay sa iyo ng kapayapaan! Ngunit ngayon ang mga ito ay lingid sa iyong mga mata. 43 Sapagkat darating sa iyo ang mga araw, na magtatayo ng harang ang iyong mga kaaway sa palibot mo, at papalibutan ka, at gigipitin ka mula sa bawat panig. 44 Hahampasin ka nila pababa sa lupa at kasama ang iyong mga anak. Hindi sila magtitira ng isang bato sa ibabaw ng isa pang bato, dahil hindi mo kinilala nang sinusubukan kang iligtas ng Diyos." 45 Pumasok si Jesus sa templo at sinimulang palayasin ang mga nagtitinda, 46 sinasabi sa kanila, "Nasusulat, 'Ang aking bahay ay magiging bahay-panalanginan,' ngunit ginawa ninyo itong lungga ng mga magnanakaw." 47 Kaya araw-araw nagtuturo si Jesus sa templo. Ang mga punong pari at ang mga eskriba at ang mga pinuno ng mga tao ay nais siyang patayin, 48 ngunit wala silang mahanap na paraan upang gawin ito, dahil ang lahat ng mga tao ay nakikinig nang mabuti sa kaniya.
Chapter 20
1 At nangyari sa isang araw, habang tinuturuan ni Jesus ang mga tao sa templo at ipinapangaral ang ebanghelyo, nilapitan siya ng mga punong pari at mga eskriba kasama ang mga nakatatanda. 2 Nagsalita sila, at sinasabi sa kaniya, "Sabihin mo sa amin kung sa anong kapangyarihan mo ginagawa ang mga bagay na ito? O sino ang nagbigay sa iyo ng kapangyarihang ito?" 3 Sumagot siya at sinabi sa kanila, "May itatanong din ako sa inyo. Sabihin niyo sa akin ang tungkol 4 sa pagbautismo ni Juan. Mula ba ito sa langit o mula sa tao?" 5 Nagusap-usap sila at sinabi, "Kapag sasabihin natin, 'Mula sa langit,' sasabihin niya, 'Kung ganoon bakit hindi ninyo siya pinaniwalaan?' 6 Pero kung sasabihin natin, 'Mula sa tao,' babatuhin tayo ng lahat ng mga tao, dahil nahikayat sila na si Juan ay isang propeta." 7 Kaya sumagot sila na hindi nila alam kung saan ito nagmula. 8 Sinabi ni Jesus sa kanila, "Hindi ko din sasabihin sa inyo kung saan galing ang aking kapangyarihan na gumawa ng mga bagay na ito." 9 Sinabi niya sa mga tao ang talinghagang ito, "May isang taong nagtanim ng ubasan, pinaupa niya ito sa mga magtatanim ng ubas, at pumunta sa ibang bansa sa mahabang panahon. 10 Nang dumating ang takdang panahon, pinapunta niya ang kaniyang utusan sa mga magtatanim ng ubas, upang siya ay bigyan nila ng bunga ng ubasan. Ngunit binugbog siya ng mga magtatanim ng ubas, at pinaalis siyang nang walang dala. 11 Pagkatapos, pinapunta niya ang isa pang utusan, at siya ay binugbog din nila, at kahiya-hiya ang ginawa sa kaniya, at pinaalis siya nang walang dala. 12 At pinapunta pa rin niya ang ikatlo at sinugatan din nila, at itinapon siya palabas. 13 Kaya sinabi ng may-ari ng ubasan, 'Ano ang gagawin ko? Papupuntahin ko ang pinakamamahal kong anak na lalaki. Baka sakaling igalang nila siya.' 14 Ngunit nang makita siya ng mga magtatanim ng ubas, nag-usap-usap sila, sinasabing, 'Ito ang tagapagmana. Patayin natin siya upang mapunta sa atin ang kaniyang mana.' 15 Pinalayas nila siya sa ubasan, at pinatay. Ano nga kaya ang gagawin ng may-ari ng ubasan sa kanila? 16 Siya ay darating at pupuksain ang mga magtatanim ng ubas at ipamimigay sa iba ang ubasan." Nang marinig nila ito, sabi nila, "Huwag sanang pahintulutan ng Diyos ito!" 17 Ngunit tumingin si Jesus sa kanila at sinabi, "Ano ang kahulugan ng kasulatang ito? 'Ang bato na tinanggihan ng mga gumagawa ng gusali, ay ginawang batong panuluk'? 18 Ang bawat isa na babagsak sa batong iyon ay magkakadurog-durog. Ngunit kung sinuman ang mabagsakan ng batong ito ay madudurog." 19 Kaya pinagsikapan na hulihin ng mga eskriba at mga punong pari si Jesus sa oras ding iyon, dahil alam nila na sinabi niya ang talinghagang ito laban sa kanila. Ngunit natakot sila sa mga tao. 20 Maingat siyang inaabangan, nagpadala sila ng mga espiya na nagkukunwaring matuwid upang makahanap sila ng pagkakamali sa kaniyang salita, upang ibigay siya sa batas at sa kapangyarihan ng gobernador. 21 Sila ay nagtanong sa kaniya, at sinabi, "Guro, alam naming nagsasabi at nagtuturo ka nang tama, at hindi ka nahihikayat ng sinuman, ngunit itinuturo mo ang katotohanan tungkol sa daan ng Diyos. 22 Naayon ba sa batas na magbayad kami ng buwis kay Cesar, o hindi?" 23 Ngunit nalalaman ni Jesus ang kanilang katusuhan, at sinabi niya sa kanila, 24 "Ipakita niyo sa akin ang isang dinario. Kaninong larawan at pangalan ang nakaukit dito? At sinabi nila, "Kay Cesar." 25 Sinabi niya sa kanila, "Kung gayon, ibigay kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar at sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos." 26 Hindi mabatikus ng mga eskriba at mga pinunong pari ang kaniyang sinabi sa harap ng mga tao. Namangha sila sa kaniyang sagot at wala silang nasabi. 27 Nang magpunta sa kaniya ang ilan sa mga Saduceo, na nagsasabing walang muling pagkabuhay, 28 tinanong nila siya, sinabi, "Guro, sumulat si Moises sa amin na kung ang kapatid na lalaki ng isang lalaki ay namatay, na may asawa, at walang anak, dapat kunin ng lalaki ang asawa ng kaniyang kapatid, at magkaroon ng anak para sa kaniyang kapatid. 29 May pitong magkakapatid na lalaki at nag-asawa ang panganay, ngunit namatay nang walang anak, 30 at ganoon din ang pangalawa. 31 Napangasawa ng ikatlong kapatid ang babae, at ganoon din ang pito ay hindi nag-iwan ng mga anak, at namatay. 32 Pagkatapos ang babae ay namatay din. 33 Sa muling pagkabuhay, kaninong asawa ang babae? Sapagkat siya ay naging asawa ng pito? 34 Sinabi ni Jesus sa kanila, "Ang mga anak na lalaki ng mundong ito ay mag-aasawa at ibinibigay upang makapangasawa. 35 Ngunit ang mga nahatulan na karapat-dapat na tumanggap ng muling pagkabuhay mula sa mga patay at pumasok sa walang hanggang ay hindi mag-aasawa at hindi ibinibigay upang makapangasawa. 36 At hindi na rin sila mamamatay, sapagkat kapantay nila ang mga anghel at sila ay mga anak ng Diyos, bilang mga anak ng muling pagkabuhay. 37 Ngunit ang mga patay ay binuhay na muli, maging si Moises ay ipinakita niya, sa lugar ng mababang punong kahoy, na tinawag niya ang Panginoon na ang Diyos ni Abraham at Diyos ni Isaac at Diyos ni Jacob. 38 Ngayon, hindi siya Diyos ng mga patay kundi ng mga buhay, sapagkat ang lahat ay nabubuhay sa kaniya." 39 Sumagot ang ilan sa mga eskriba, "Guro, mahusay ang iyong sagot," 40 At hindi na sila nangahas pang magtanong sa kaniya ng anumang tanong. 41 Sinabi ni Jesus sa kanila, "Paano nila nasabi na ang Cristo ay anak ni David? 42 Sapagkat sinabi mismo ni David sa Aklat ng Mga Awit, Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon, 'Umupo ka sa aking kanang kamay, 43 hanggang gawin ko ang iyong mga kaaway na tungtungan ng iyong mga paa.' 44 Kaya tinawag ni David ang Cristo na 'Panginoon', kaya paano siya naging anak ni David?" 45 Habang nakikinig ang lahat ng mga tao, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad, 46 "Mag-ingat kayo sa mga eskriba na gustong maglakad na nakasuot ng mahabang mga balabal, at gustong-gusto ang mga pagbati sa mga lugar na pamilihan, at mga upuang pandangal sa sinagoga, at mga upuang pandangal sa mga pista. 47 Nililimas din nila ang mga bahay ng mga balong babae, at nagpapanggap na nananalangin nang mahaba. Sila ay tatanggap ng mas mabigat na paghatol."
Chapter 21
1 Tumingala si Jesus at nakita niya ang mga mayayamang tao na inilalagay ang kanilang mga kaloob sa kabang-yaman. 2 Nakita rin ang isang mahirap na babaeng balo na inihuhulog ang dalawang katiting. 3 Kaya sinabi niya, "Totoo, sinasabi ko sa inyo, mas malaki ang inilagay ng mahirap na babaeng balong ito kaysa sa kanilang lahat. 4 Nagbigay silang lahat ng mga kaloob mula sa kanilang kasaganahan. Ngunit ang babaeng balo na ito, sa kabila ng kaniyang kahirapan, inilagay ang lahat ng salaping mayroon siya upang mabuhay." 5 Habang pinag-uusapan ng ilan ang templo, kung paano ito pinalamutihan ng magagandang bato at mga handog, kaniyang sinabi, 6 "Patungkol sa mga bagay na ito na inyong nakikita, darating ang mga araw na wala ni isang bato ang maiiwan sa ibabaw ng isa pang bato na hindi babagsak." 7 Kaya't siya ay kanilang tinanong, "Guro, kailan mangyayari ang mga bagay na ito? At ano ang magiging palatandaan kapag malapit ng mangyari ang mga bagay na ito?" 8 Sumagot si Jesus, "Mag-ingat kayo na hindi kayo malinlang. Sapagkat maraming darating sa pangalan ko, magsasabi, 'Ako ay siya' at, 'Malapit na ang panahon.' Huwag kayong sumunod sa kanila. 9 Kapag kayo ay nakarinig ng mga digmaan at mga kaguluhan, huwag kayong masindak, sapagkat kinakailangang mangyari muna ang mga bagay na ito, ngunit ang wakas ay hindi kaagad na magaganap." 10 At sinabi niya sa kanila, "Titindig ang isang bansa laban sa bansa, at kaharian laban sa kaharian. 11 Magkakaroon ng mga malalakas na lindol, at sa iba't ibang dako ay magkakaroon ng taggutom at mga salot. Magkakaroon ng mga kakila-kilabot na pangyayari at mga dakilang palatandaan mula sa langit. 12 Ngunit bago ang lahat ng ito, dadakipin nila kayo at uusigin, ibibigay kayo sa mga sinagoga at sa mga bilangguan, dadalhin kayo sa harapan ng mga hari at mga gobernador dahil sa aking pangalan. 13 Ito ay magbibigay-daan ng pagkakataon para sa inyong patotoo. 14 Kaya pagtibayin ninyo sa inyong puso na huwag ihanda ang inyong isasagot nang maagang panahon, 15 sapagkat ibibigay ko sa inyo ang mga salita at karunungan, na hindi malalabanan at matutulan ng lahat ng iyong kaaway. 16 Ngunit kayo ay ibibigay din ng inyong mga magulang, mga kapatid, mga kamag-anak, at mga kaibigan, at papatayin nila ang iba sa inyo. 17 Kayo ay kamumuhian ng lahat dahil sa aking pangalan. 18 Ngunit hindi mawawala kahit isang buhok sa inyong ulo. 19 Sa inyong pagtitiis ay makakamtan ninyo ang inyong mga kaluluwa. 20 Kapag nakita ninyo ang Jerusalem na napaliligiran ng mga hukbo, kung gayon malalaman ninyo malapit na ang pagkawasak nito. 21 Kung magkagayon, ang mga nasa Judea ay magsitakas patungo sa mga bundok, at lahat ng mga nasa kalagitnaan ng lungsod ay umalis, at ang mga nasa bayan ay huwag pumasok doon. 22 Sapagkat ito ang mga araw ng paghihiganti, upang matupad ang lahat ng nasusulat. 23 Sa aba ng mga nagdadalang-tao at sa mga nagpapasuso sa mga araw na iyon! Sapagkat magkakaroon ng matinding kapighatian sa lupain, at poot sa mga taong ito. 24 At sila ay babagsak sa pamamagitan ng talim ng espada at sila ay dadalhing bihag sa lahat ng mga bansa, at ang Jerusalem ay yuyurakan ng mga Gentil, hanggang sa matupad ang mga panahon ng mga Gentil. 25 Magkakaroon ng mga palatandaan sa araw, sa buwan, at sa mga bituin. At sa lupa, magkakaroon ng kapighatian sa mga bansa, na walang pag-asa dahil sa dagundong ng dagat at sa mga alon. 26 Manlulupaypay ang mga tao dahil sa takot at dahil sa inaasahang darating sa mundo. Sapagkat mayayanig ang mga kapangyarihan ng kalangitan. 27 At makikita nila ang Anak ng Tao na dumarating na nasa ulap na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian. 28 Ngunit kapag magsisimulang mangyari ang mga bagay na ito, tumindig kayo, at tumingala, sapagkat nalalapit na ang inyong kaligtasan." 29 Nagsabi si Jesus ng talinghaga sa kanila, "Tingnan ninyo ang puno ng igos, at ang lahat ng mga puno. 30 Kapag ang mga ito ay umusbong, nakikita ninyo mismo at nalalaman na malapit na ang tag-araw. 31 Gayon din naman, kapag nakita ninyo na nangyayari na ang mga bagay na ito, nalalaman ninyong nalalapit na ang kaharian ng Diyos. 32 Totoo, sinasabi ko sa inyo, hindi lilipas ang ang salinlahing ito, hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay na ito. 33 Ang langit at lupa ay lilipas, ngunit ang aking mga salita ay hindi lilipas. 34 Ngunit bigyang-pansin ang inyong mga sarili, upang hindi magnais ang inyong mga puso ng kahalayan, kalasingan, at mga alalahanin sa buhay. Sapagkat darating ang araw na iyon sa inyo nang biglaan 35 na gaya ng bitag. Sapagkat darating ito sa lahat ng naninirahan sa ibabaw ng buong mundo. 36 Ngunit maging mapagmatiyag kayo sa lahat ng oras, nananalangin na kayo ay magkaroon ng sapat na lakas upang matakasan ninyo ang lahat ng ito na magaganap, at upang tumayo sa harapan ng Anak ng Tao." 37 Kaya't tuwing umaga siya ay nagtuturo sa templo at sa gabi siya ay lumalabas, at nagpapalipas ng gabi sa bundok na tinatawag na Olivet. 38 Ang lahat ng mga tao ay dumarating nang napakaaga upang makinig sa kaniya sa templo.
Chapter 22
1 Ngayon, papalapit na ang Pista ng Tinapay na walang Pampaalsa, na tinatawag na Paskwa. 2 Pinag-usapan ng mga punong pari at mga eskriba kung paano nila ipapapatay si Jesus, sapagkat natatakot sila sa mga tao. 3 Pumasok si Satanas kay Judas Iscariote, isa sa Labindalawa. 4 Nagpunta si Judas at nakipag-usap sa mga punong pari at mga kapitan tungkol sa kung paano niya maidadala si Jesus sa kanila. 5 Nagalak sila, at nakipagkasundong bibigyan siya ng pera. 6 Sumang-ayon siya, at naghanap ng pagkakataon upang madala niya si Jesus sa kanila malayo sa maraming mga tao. 7 Dumating ang araw ng tinapay na walang pampaalsa, na kung saan kailangang ialay ang kordero ng Paskwa. 8 Isinugo ni Jesus sina Pedro at Juan, at sinabi, "Pumunta kayo at maghanda ng hapunang Pampaskua upang ito ay ating kainin." 9 Tinanong nila sa kaniya, "Saan mo kami gustong gumawa ng mga paghahanda?" 10 Sinagot niya sila, "Makinig kayo, kapag nakapasok na kayo sa lungsod, may isang lalaking sasalubong sa inyo na may isang bangang tubig. Sundan ninyo siya sa bahay kung saan siya papasok. 11 Pagkatapos, sabihin ninyo sa panginoon ng bahay 'Ipinapatanong ng Guro sa iyo, "Nasaan ang silid pampanauhin, kung saan kami kakain ng aking mga alagad sa araw ng Paskwa?'" 12 Ipapakita niya sa inyo ang malaki at maayos na silid sa itaas. Doon ninyo gawin ang mga paghahanda. 13 Kaya pumunta sila, at nakita ang lahat ayon sa sinabi niya sa kanila. At inihanda nila ang hapunang Pampaskwa. 14 Nang dumating ang panahon, umupo siya kasama ang mga apostol. 15 Pagkatapos sinabi niya sa kanila, "Labis kong ninais na makasalo kayo sa Pista ng Paskwang ito bago ako magdusa. 16 Sapagkat sinasabi ko sa inyo, hindi ko na ito kakaining muli, hanggang sa matupad ito sa kaharian ng Diyos." 17 Pagkatapos, kumuha si Jesus ng isang kopa, at nang makapagpasalamat, sinabi niya, "Kunin ninyo ito at ibahagi ito sa isa't isa. 18 Sapagkat sinasabi ko sa inyo, hindi na ako muling iinom ng bunga ng ubas, hanggang sa dumating ang kaharian ng Diyos." 19 Pagkatapos, kinuha niya ang tinapay at nang makapagpasalamat, hinati-hati niya ito, at ibinigay sa kanila, sinasabi, "Ito ang aking katawan na ibinigay para sa inyo. Gawin ninyo ito bilang pag-alaala sa akin." 20 Kinuha niya ang tasa sa parehong paraan pagkatapos ng hapunan, sinasabi, "Ang tasang ito ang bagong tipan sa aking dugo, na ibinuhos para sa inyo. 21 Ngunit makinig kayo. Ang taong magkakanulo sa akin ay kasama ko ngayon sa hapag. 22 Sapagkat ang Anak ng Tao ay mamamatay ayon sa itinakda. Ngunit sa aba sa taong iyon na magkakanulo sa kaniya!" 23 At nagsimula silang magtanong sa isa't isa, kung sino sa kanila ang gagawa ng bagay na ito. 24 At nagkaroon din ng pagtatalo sa kanila tungkol sa kung sino sa kanila ang itinuturing na pinakadakila. 25 Sinabi niya sa kanila, "Ang mga hari ng mga Gentil ay may kapangyarihang pamunuan sila, at ang mga may kapangyarihan sa kanila ay tinawag na mga pinunong kagalang-galang. 26 Ngunit sa inyo ay hindi dapat maging tulad nito. Sa halip, ang pinakadakila sa inyo ay maging katulad ng pinakabata. At ang pinakamahalaga sa inyo ay maging katulad ng isang naglilingkod. 27 Sapagkat sino ang mas dakila, ang taong nakaupo sa may hapag o ang siyang naglilingkod? Hindi ba ang taong nakaupo sa may hapag? Bagaman kasama ninyo ako bilang isang naglilingkod. 28 Ngunit kayo ang mga nagpatuloy na kasama ko sa aking mga pagsubok. 29 Ibibigay ko sa inyo ang kaharian, katulad ng aking Ama na nagbigay sa akin ng kaharian, 30 upang kayo ay kumain at uminom sa aking mesa sa aking kaharian. At uupo kayo sa mga trono na hahatol sa labindalawang lipi ng Israel. 31 Simon, Simon, mag-ingat kayo, sapagkat hinihingi kayo ni Satanas upang salain kayo tulad ng trigo. 32 Ngunit ipinanalangin kita, upang hindi humina ang iyong pananampalataya. At pagkatapos mong muling manumbalik, palakasin mo ang iyong mga kapatid." 33 Sinabi ni Pedro sa kaniya, "Panginoon, handa akong sumama sa iyo sa bilangguan at sa kamatayan." 34 Sumagot si Jesus, "Sinasabi ko sa iyo, Pedro, hindi titilaok ang tandang sa araw na ito, bago mo ikaila ng tatlong beses na kilala mo ako." 35 At sinabi ni Jesus sa kanila. "Nang ipinadala ko kayo na walang pitaka, supot ng mga kakailanganin, o sapatos, nagkulang ba kayo ng kahit na ano?" At sumagot sila, "Hindi." 36 Kaya sinabi niya sa kanila, "Ngunit ngayon, siya na may pitaka, kunin niya ito, at maging ang supot ng pagkain. Ang walang espada ay dapat ipagbili niya ang kaniyang balabal at bumili ng isa. 37 Sapagkat sinasabi ko sa inyo, kinakailangang matupad ang nasusulat tungkol sa akin, 'At itinuring siyang isa sa mga lumalabag sa batas.' Sapagkat natutupad na ang pahayag tungkol sa akin." 38 Kaya sinabi nila, "Panginoon, tingnan mo! Narito ang dalawang espada." At sinabi niya sa kanila, "Tama na iyan." 39 Pagkatapos ng hapunan, pumunta si Jesus sa Bundok ng mga Olibo gaya ng madalas niyang ginagawa, at sumunod ang mga alagad sa kaniya. 40 Nang dumating sila, sinabi niya sa kanila, "Ipanalangin ninyo na hindi kayo matukso." 41 Lumayo siya sa kanila sa di-kalayuan, at lumuhod siya at nanalangin, 42 sinasabi, "Ama, kung nais mo, alisin mo sa akin ang tasang ito. Gayunman, hindi ang kalooban ko, kundi ang kalooban mo ang mangyari." 43 Pagkatapos, isang anghel mula sa langit ang nagpakita sa kaniya, pinapalakas siya. 44 Sa matinding paghihirap, nanalangin siya nang lalong taimtim, at ang kaniyang pawis ay naging tulad ng malalaking tulo ng dugo na nahuhulog sa lupa. 45 Nang tumayo siya mula sa kaniyang pananalangin, pumunta siya sa kaniyang mga alagad, at nakita niyang natutulog ang mga ito dahil sa kanilang pagdadalamhati, 46 at tinanong sila, "Bakit kayo natutulog?" Bumangon kayo at manalangin, nang hindi kayo pumasok sa tukso." 47 Habang siya ay nagsasalita, masdan ito, dumating ang maraming tao, kasama si Judas na isa sa Labindalawa na pinangungunahan sila. Lumapit siya kay Jesus upang siya ay halikan, 48 ngunit sinabi ni Jesus sa kaniya, "Judas, ipinagkakanulo mo ba ang Anak ng Tao sa pamamagitan ng isang halik?" 49 Nang makita ng mga nakapalibot kay Jesus ang nangyayari, sinabi nila, "Panginoon, lulusob na ba kami gamit ang tabak?" 50 At isa sa kanila ang lumusob sa lingkod ng pinakapunong pari, at tinaga ang kaniyang kanang tainga. 51 Sinabi ni Jesus, "Tigilan na ninyo ito." At hinawakan ni Jesus ang kaniyang tainga at pinagaling siya. 52 Sinabi ni Jesus sa mga punong pari, sa mga kapitan ng templo, at sa mga nakatatanda na dumating laban sa kaniya. " Nagpunta kayo na tila laban sa isang magnanakaw, na may dalang mga espada at mga pamalo? 53 Nang kasama ko kayo araw-araw sa templo, hindi ninyo ako dinakip. Ngunit ito ang inyong oras, at ang kapangyarihan ng kadiliman." 54 Dinakip siya, itinaboy siya palayo, at dinala sa bahay ng pinakapunong pari. Ngunit sumunod si Pedro sa di-kalayuan. 55 Pagkatapos nilang magpaningas ng apoy sa gitna ng patyo at sama-samang umupo, umupo si Pedro sa kanilang kalagitnaan. 56 Nakita siya ng isang utusang babae habang nakaupo sa naiilawan ng apoy, at tinitigan siya nito at sinabi, "Kasama rin siya ng taong iyon." 57 Ngunit ikinaila ito ni Pedro, at sinabi, "Babae, hindi ko siya kilala." 58 Pagkaraan ng ilang sandali, nakita uli siya ng iba pang tao, at sinabi, "Isa ka rin sa kanila." Ngunit sinabi ni Pedro, "Lalaki, hindi." 59 Pagkatapos ng isang oras iginiit ng isa pang lalaki at sinabi, "Totoo na ang lalaking ito ay kasama niya, sapagkat siya ay taga-Galilea." 60 Ngunit sinabi ni Pedro, "Lalaki, hindi ko alam ang sinasabi mo." At agad-agad, habang nagsasalita pa siya, tumilaok ang tandang. 61 Lumingon ang Panginoon at tumingin kay Pedro. At naalala ni Pedro ang salita ng Panginoon, nang sabihin niya sa kaniya, "Bago tumilaok ang tandang sa araw na ito, tatlong ulit mo akong ikakaila." 62 Siya ay lumabas, tumangis si Pedro ng labis. 63 Pagkatapos ay kinutya at hinampas si Jesus ng mga lalaking nagbabantay sa kaniya. 64 Pagkatapos siyang piringan, tinanong siya at sinabi, "Hulaan mo! Sino ang humampas sa iyo?" 65 Nagsalita pa sila ng maraming mga bagay laban kay Jesus, nilalapastangan siya. 66 Kinaumagahan, nagtipun-tipon ang mga nakatatanda, ang mga punong pari at mga eskriba. Siya ay dinala nila sa Konseho, 67 sinasabi "Kung ikaw ang Cristo, sabihin mo sa amin." Ngunit sinabi niya sa kanila, "Kung sabihin ko sa inyo, hindi kayo maniniwala, 68 at kung tanungin ko kayo, hindi kayo sasagot. 69 Ngunit mula ngayon, ang Anak ng Tao ay mauupo sa kanang kamay ng kapangyarihan ng Diyos." 70 Sinabi nilang lahat, "Kung gayon ikaw ang Anak ng Diyos?" At sinabi ni Jesus sa kanila, "Sinabi ninyo na ako nga." 71 Sinabi nila, "Bakit pa natin kailangan ng isang saksi? Sapagkat tayo na mismo ang nakarinig mula sa kaniyang bibig."
Chapter 23
1 Ang buong kapulungan ay tumayo, at dinala si Jesus sa harapan ni Pilato. 2 Nagsimula silang paratangan siya, sinasabi, "Nalaman na inaakay ng taong ito ang aming bansa sa kasamaan, ipinagbabawal niyang magbigay ng buwis kay Ceasar, at sinasabing siya mismo ang Cristo, na isang hari." 3 Tinanong siya ni Pilato, sinasabi, "Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?" At sinagot siya ni Jesus at sinabi, "Ikaw na ang may sabi." 4 Sinabi ni Pilato sa mga punong pari at sa maraming tao, "Wala akong makitang kasalanan sa taong ito." 5 Ngunit sila ay nagpupumilit, sinasabi, "Ginugulo niya ang mga tao, nagtuturo sa buong Judea, mula sa Galilea maging sa lugar na ito." 6 Kaya nang marinig ito ni Pilato, tinanong niya kung ang taong iyon ay taga-Galilea. 7 Nang malaman niyang nasa ilalim siya ng pamumuno ni Herodes, ipinadala niya si Jesus kay Herodes, na nasa Jerusalem din sa mga araw na iyon. 8 Nang makita ni Herodes si Jesus, labis siyang natuwa, dahil matagal na niya itong nais makita. Nakarinig siya ng tungkol sa kaniya at ninais niyang makakita ng ilang himala na ginawa niya. 9 Maraming itinanong si Herodes kay Jesus, ngunit walang isinagot si Jesus sa kaniya. 10 Tumayo ang mga punong pari at mga eskriba, marahas siyang pinaparatangan. 11 Inalipusta siya ni Herodes kasama ng kaniyang mga kawal, at kinutya siya, at dinamitan siya ng magandang kasuotan, at ipinadala si Jesus pabalik kay Pilato. 12 Naging magkaibigan sina Herodes at Pilato sa araw ding iyon (dati silang magkaaway.) 13 Tinipon ni Pilato ang mga punong pari at ang mga pinuno at ang napakaraming tao, 14 at sinabi sa kanila, "Dinala ninyo ang taong ito sa akin na tila isang taong pinangungunahan ang mga tao upang gumawa ng masama, at tingnan ninyo, tinanong ko siya sa harapan ninyo, wala akong nakitang kasalanan sa taong ito tungkol sa mga bagay na inyong ipinaparatang sa kaniya. 15 Wala, kahit si Herodes, sapagkat siya ay ipinabalik niya sa atin, at tingnan ninyo, wala siyang ginawang karapat-dapat ng kamatayan. 16 Kaya parurusahan ko siya, at pakakawalan siya. 17 (Ngayon, sa pista, kailangang magpalaya ni Pilato ng isang bilanggo para sa mga Judio.) 18 Ngunit sabay-sabay silang sumigaw, sinasabi, "Alisin ninyo ang taong ito, at palayain si Barabbas para sa amin!" 19 Si Barabbas ay isang taong ibinilanggo dahil sa pagrerebelde sa lungsod at dahil sa pagpatay. 20 Kinausap ulit sila ni Pilato, ninanais na palayain si Jesus. 21 Ngunit sumigaw sila, sinasabi, "Ipako siya sa krus, ipako siya sa krus." 22 Sinabi niya sa kanila sa ikatlong pagkakataon, "Bakit, anong masamang ginawa ng taong ito? Wala akong natagpuan upang siya ay marapat na parusahan ng kamatayan. Kaya, pagkatapos niyang maparusahan, pakakawalan ko siya." 23 Ngunit sila ay mapilit na may malalakas na tinig, hinihiling na ipapako siya krus. At nahikayat si Pilato ng kanilang mga tinig. 24 Kaya nagpasya si Pilato na ibigay ang kanilang kahilingan. 25 Pinalaya niya ang taong hiniling nila, na ibinilanggo dahil sa panggugulo at pagpatay. Ngunit ibinigay niya si Jesus ayon sa kalooban nila. 26 Nang siya inilalayo nila, sinunggaban nila ang isang Simon na taga-Cirene, na nanggaling sa kabukiran, at pinapasan nila ang krus sa kaniya upang buhatin niya, na sumusunod kay Jesus. 27 Siya ay sinusundan ng napakaraming tao, at mga kababaihang nagdadalamhati at tumatangis dahil sa kaniya. 28 Ngunit lumingon si Jesus sa kanila, at sinabi, "Mga anak na babae ng Jerusalem, huwag ninyo akong tangisan, ngunit tangisan ninyo ang inyong sarili at ang inyong mga anak. 29 Dahil tingnan ninyo, darating ang mga araw na sasabihin nila, 'Pinagpala ang mga baog at ang mga sinapupunang hindi nanganak, at ang mga suso na hindi nagpasuso.' 30 Sa panahong iyon sasabihin nila sa mga bundok, 'Bumagsak kayo sa amin,' at sa mga burol, 'Tabunan ninyo kami.' 31 Sapagkat kung gagawin nila ang mga bagay na ito habang ang puno ay berde, anong magyayari kapag tuyo na ito?" 32 May iba pang dalawang lalaking na mga kriminal ang dinala kasama niya upang patayin. 33 Nang makarating sila sa lugar na kung tawagin ay Bungo, doon ay kanilang ipinako siya sa krus kasama ang mga kriminal, isa sa kaniyang kanan at isa sa kaniyang kaliwa. 34 Sinabi ni Jesus, "Ama, patawarin mo sila, sapagkat hindi nila alam ang kanilang ginagawa." At sila ay nagsapalaran, hinati-hati ang kaniyang kasuotan. 35 Ang mga tao ay nakatayong nanonood habang kinukutya rin siya ng mga pinuno, sinasabi, "Niligtas niya ang iba. Hayaan ninyong iligtas niya ang kaniyang sarili, kung siya nga ang Cristo ng Diyos, ang hinirang." 36 Pinagtawanan din siya ng mga kawal, lumalapit sa kaniya, inaalukan siya ng suka, 37 at sinasabi, "Kung ikaw ang Hari ng mga Judio, iligtas mo ang iyong sarili." 38 Mayroon ding isang karatula sa itaas niya, "ITO ANG HARI NG MGA JUDIO." 39 Nilait siya ng isa sa mga kriminal na nakapako sa krus, sinasabi, "Hindi ba ikaw ang Cristo? Iligtas mo ang iyong sarili at kami." 40 Ngunit sumagot ang isa, sinaway siya at sinabi, "Hindi ka ba natatakot sa Diyos, sapagkat ikaw ay nasa ilalim ng parehong parusa? 41 Nararapat lang na narito tayo, sapagkat tinatanggap natin ang nararapat sa ating mga ginawa. Ngunit ang taong ito ay walang ginawang mali." 42 At dagdag pa niya, "Jesus, alalahanin mo ako pagdating mo sa iyong kaharian." 43 Sinabi ni Jesus sa kaniya, "Tunay ngang sinasabi ko sa iyo, sa araw na ito, ikaw ay makakasama ko sa paraiso." 44 Nang pasapit na ang Ika-anim na oras, nagdilim sa buong lupain hanggang sa ika-siyam na oras 45 habang nagdidilim ang araw. Pagkatapos, nahati sa gitna ang kurtina ng templo. 46 At si Jesus, na may malakas na tinig ay nagsabi, "Ama, ipinagkakatiwala ko ang aking espiritu sa iyong mga kamay." Pagkasabi niya nito, siya ay namatay. 47 Nang makita ng senturion ang nangyari, niluwalhati niya ang Diyos, sinabi, "Tunay ngang matuwid ang taong ito." 48 Nang ang mga bagay na naganap ay nakita ng napakaraming taong sama-samang dumating upang saksihan ang pangyayaring ito, nagsi-uwian sila na dinadagukan ang kanilang mga dibdib. 49 Ngunit ang lahat ng mga kakilala niya, at ang mga babaing sumunod sa kaniya mula sa Galilea, ay nakatayo sa di-kalayuan, pinapanood ang mga bagay na ito. 50 Masdan ninyo, may isang lalaking nagngangalang Jose, na kabilang sa Konseho, isang mabuti at matuwid na tao 51 (hindi siya sumang-ayon sa kanilang pasya at sa kanilang ginawa), mula sa Arimatea, isang Judiong lungsod, na siyang naghihintay sa kaharian ng Diyos. 52 Ang taong ito ay lumapit kay Pilato, hiningi ang katawan ni Jesus. 53 Ibinababa niya ito, at binalot ito ng pinong lino, at inilagay siya sa isang libingang inukit sa bato, na hindi pa napaglilibingan. 54 Noon ay ang Araw ng Paghahanda, at nalalapit na ang Araw ng Pamamahinga. 55 Ang mga babaing kasama niyang lumabas sa Galilea ay sumunod, at nakita ang libingan at kung paano inilagay ang kaniyang katawan. 56 Sila ay umuwi, at naghanda ng mga pabango at mga pamahid. At sa araw ng Pamamahinga, sila ay nagpahinga ayon sa kautusan.
Chapter 24
1 Maagang-maaga sa unang araw ng linggo, pumunta sila sa libingan, dala-dala ang pabangong ihinanda nila. 2 Natagpuan nilang naigulong ang bato palayo sa libingan. 3 Pumasok sila sa loob, ngunit hindi nila natagpuan ang katawan ng Panginoon Jesus. 4 At nangyari na, habang sila ay nalilito tungkol dito, biglang may dalawang lalaking tumayo sa tabi nila na nakakasilaw ang damit. 5 Ang mga babae ay napuno ng takot at yumuko sa lupa, sinabi nila nila sa mga babae, "Bakit ninyo hinahanap ang buhay sa mga patay? 6 Wala siya dito, ngunit siya ay muling nabuhay! Alalahanin niyo ang sinabi niya sa inyo noong nasa Galilea pa siya, 7 sinabi niya na ang Anak ng Tao ay kailangang ipasakamay sa mga makasalanang tao at ipapako sa krus, at sa ikatlong araw ay muling mabubuhay." 8 Naalala ng mga babae ang mga sinabi niya, 9 at bumalik sila galing ng libingan at sinabi ang lahat ng nangyari sa labing isang alagad at lahat ng iba pa. 10 Ngayon, sina Maria Magdalena, Juana, Maria na ina ni Santiago, at ang iba pang mga babaeng kasama nila ang nagbalita ng mga nangyari sa mga apostol. 11 Ngunit ang balitang ito ay tila walang kabuluhan sa mga apostol, at hindi nila pinaniwalaan ang mga babae. 12 Gayon pa man, tumayo si Pedro, at tumakbo papunta sa libingan, at yumuko siya at tumingin sa loob, nakita niya na ang mga telang lino na lamang ang naroon. Kaya umuwi si Pedro sa kaniyang tahanan, na nagtataka kung ano ang nangyari. 13 Masdan ninyo, sa araw ding iyon, dalawa sa kanila ang papunta sa nayon na tinatawag na Emaus, na animnapung stadia ang layo mula sa Jerusalem. 14 Pinag-uusapan nila ang tungkol sa lahat ng nangyari. 15 Nangyari na, habang nag-uusap sila at nagtatanungan sa isat-isa, lumapit si Jesus mismo at sumama sa kanila. 16 Ngunit ang kanilang mga mata ay nahadlangan upang hindi siya makilala. 17 Sinabi ni Jesus sa kanila, "Ano ang pinag-uusapan ninyong dalawa habang naglalakad kayo?" Huminto sila na nalulungkot. 18 Isa sa kanila na nagngangalang Cleopas, ang sumagot sa kaniya, "Ikaw lang ba ang tao sa Jerusalem na hindi nakakaalam sa mga bagay na nangyayari doon sa mga araw na ito?" 19 Sinabi ni Jesus sa kanila, "Anong mga bagay?" Sumagot sila sa kaniya, "Ang mga bagay tungkol kay Jesus na taga-Nazaret, na isang propeta, na makapangyarihan sa gawa at salita sa harapan ng Diyos at ng mga tao. 20 At kung papaano siya ibinigay ng mga punong pari at mga pinuno natin upang hatulan ng kamatayan at ipako sa krus. 21 Ngunit umasa kami na siya ang magpapalaya sa Israel. Oo, at maliban pa sa lahat ng ito, pangatlong araw na ngayon mula ng nangyari ang mga bagay na ito. 22 Ngunit bukod dito, pinamangha kami ng ilan sa mga kababaihang kasamahan namin, na pumunta sa libingan nang maaga. 23 Nang hindi nila nakita ang kaniyang katawan, pumunta sila sa amin, sinasabing may nakita silang pangitain ng mga anghel na nagsabing siya ay buhay. 24 Pumunta sa libingan ang ilan sa mga kalalakihang kasama, at nakita nila ito na gaya ng sinabi ng mga kababaihan. Ngunit hindi nila siya nakita." 25 Sinabi ni Jesus sa kanila, "O mga lalaking hangal at makukupad ang puso na maniwala sa lahat ng sinabi ng mga propeta! 26 Hindi ba kinakailangang si Cristo ay magdusa ng ganitong mga bagay, at pumasok sa kaniyang kaluwalhatian?" 27 At magmula kay Moises at sa lahat ng propeta, ipinaliwanag ni Jesus sa kanila ang mga bagay tungkol sa kaniyang sarili sa lahat ng mga kasulatan. 28 Habang papalapit sila sa nayon, na kanilang pupuntahan, lumakad si Jesus na wari magpapatuloy pa. 29 Ngunit siya ay pinigilan nila, sinasabi, "Manatili ka sa amin, sapagkat malapit nang gumabi at dumidilim na." Kaya pumasok si Jesus upang tumuloy sa kanila. 30 At nangyari, nang siya ay umupong kasalo nila upang kumain, kinuha niya ang tinapay, at pinagpasalamatan ito, at pinagpira-piraso ito, at ibinigay niya ito sa kanila. 31 Pagkatapos, nabuksan ang kanilang mga mata, at siya ay nakilala nila, at siya ay naglaho sa kanilang paningin. 32 At sinabi nila sa isa't-isa, "Hindi ba umaalab ang ating puso, habang kinakausap niya tayo sa daan, habang binubuksan niya sa atin ang mga Kasulatan?" 33 Tumayo sila sa oras ding iyon, at bumalik sa Jerusalem. Natagpuan nila ang labing-isa na nagtipon-tipon at ang iba pang kasama nila, 34 sinasabi, "Totoo ngang muling nabuhay ang Panginoon, at nagpakita siya kay Simon". 35 Kaya ikinuwento nila ang nangyari sa daan, at kung paano nila nakilala si Jesus nang pagpira-pirasuhin niya ang tinapay. 36 Habang pinag-uusapan nila ang mga bagay na ito, tumayo si Jesus mismo sa kalagitnaan nila, at sinabi niya sa kanila, "Kapayapaan ay sumainyo." 37 Ngunit sila ay nasindak at napuno ng takot, at inakala nila na espiritu ang kanilang nakita. 38 Sinabi ni Jesus sa kanila, "Bakit kayo naguguluhan? Bakit may mga katanungan sa inyong puso? 39 Tingnan ninyo ang aking mga kamay at paa, na ako talaga ito. Hawakan ninyo ako at tingnan ninyo. Sapagkat ang espiritu ay walang buto at laman, gaya ng inyong nakikita na nasa akin." 40 Pagkatapos niyang sabihin ito, pinakita niya sa kanila ang kaniyang mga kamay at paa. 41 Habang sila ay hindi pa rin makapaniwala dahil sa galak, at namangha, sinabi ni Jesus sa kanila, "Mayroon ba kayong anumang makakain?" 42 Siya ay binigyan nila ng inihaw na isda. 43 Kinuha ito ni Jesus at kinain niya ito sa harapan nila. 44 Sinabi niya sa kanila, "Nang kasama ko kayo, sinabi ko sa inyo na lahat ng nakasulat sa kautusan ni Moises at ng mga propeta at sa Aklat ng Mga Awit ay kailangan matupad." 45 At binuksan niya ang kanilang mga isipan upang maunawaan nila ang Kasulatan. 46 Sinabi niya sa kanila, "Nasusulat, na kailangang maghirap ang Cristo, at muling mabuhay mula sa patay sa ikatlong araw. 47 At ang pagsisisi at pagpapatawad ng mga kasalanan ay dapat maipangaral sa kaniyang pangalan sa lahat ng mga bansa, mula sa Jerusalem. 48 Kayo ay mga saksi ng lahat ng ito. 49 Tingnan ninyo, ipadadala ko sa inyo ang ipinangako ng aking Ama. Ngunit mag-hintay kayo sa lungsod, hanggang kayo ay mapagkalooban ng kapangyarihang mula sa taas." 50 At inilabas sila ni Jesus hanggang malapit na sila sa Bethania. Itinaas niya ang kaniyang mga kamay, at binasbasan sila. 51 Nangyari na, habang sila ay binabasbasan niya, sila ay iniwan niya at siya ay dinala paakyat sa langit. 52 Kaya siya ay sinamba nila, at bumalik sila sa Jerusalem nang may labis na kagalakan. 53 Namalagi sila sa Templo, na nagpupuri sa Diyos.