Tagalog: Tagalog Unlocked Literal Bible

Updated ? hours ago # views See on DCS Draft Material

1 Mga Hari

Chapter 1

1 Matandang-matanda na si Haring David. Binalutan nila siya ng mga damit, pero hindi siya naiinitan. 2 Kaya sinabi sa kaniya ng kaniyang mga lingkod, "Hayaan mo kaming maghanap ng dalagang birhen para sa aming hari. Paglingkuran niya ang hari at alagaan siya. Hihiga siya sa iyong mga bisig upang maiinitan ang aming panginoon na hari." 3 Kaya naghanap sila ng isang magandang babae sa loob ng mga hangganan ng Israel. Nahanap nila si Abisag na taga-Sunem at dinala siya sa hari. 4 Siya ay napakagandang babae. Pinaglingkuran niya ang hari at inalagaan siya, pero hindi sumiping ang hari sa kaniya. 5 Sa panahong iyon, itinaas ni Adonias na anak ni Haguit ang kaniyang sarili, sinasabing, "Ako ang magiging hari." Kaya naghanda siya para sa kaniyang sarili ng mga karwahe at mga mangangabayo na kasama ang limampung tao para mauna sa kaniya. 6 Hindi siya ginambala ng kaniyang ama, na nagsabing, "Bakit mo ginawa ito o iyan?" Si Adonias ay isa ring napakakisig na lalaki, sumunod na ipinanganak kay Absalom. 7 Kinausap niya sila Joab na anak ni Zeruias at si Abiatar na pari. Sumunod sila kay Adonias at tinulungan siya. 8 Ngunit sila Sadoc na pari, Benaias na anak ni Joiada, Nathan na propeta, Semei, Rei, at ang mga magigiting na mga taong sumusunod kay David ay hindi sumunod kay Adonias. 9 Si Adonias ay nag-alay ng mga tupa, mga lalaking baka, at mga pinatabang baka sa bato ng Zoholete na katabi ng En-rogel. Inanyayahan niya ang lahat ng kaniyang kapatid na lalaki, mga anak na lalaki ng hari, at lahat ng kalalakihan sa Juda na mga lingkod ng hari. 10 Ngunit hindi niya inanyayahan sila Nathan na propeta, Benaias, ang mga magigiting na lalaki, o ang kaniyang kapatid na si Solomon. 11 Pagkatapos, kinausap ni Nathan si Batsheba na ina ni Solomon, sinasabing, "Hindi mo ba narinig na si Adonias na anak ni Haguit ay naging hari, at hindi ito alam ni David na ating panginoon? 12 Kaya ngayon, payuhan kita, para maligtas mo ang sarili mong buhay at ang buhay ng iyong anak na si Solomon. 13 Pumunta ka kay Haring David; sabihin mo sa kaniya, 'Aking panginoong hari, hindi ba't sumumpa ka sa iyong lingkod na iyong sinasabi, "Tiyak na si Solomon na iyong anak ang maghahari pagkatapos ko, at uupo siya sa aking trono?" Kung ganon, bakit naghahari si Adonias?' 14 Habang kinakausap mo ang hari, papasok ako pagkatapos mo at patutuhanan ko ang iyong mga salita." 15 Kaya pumunta si Batsheba sa silid ng hari. Napakatanda na ng hari, at pinaglilingkuran siya ni Abisag na taga-Sunem. 16 Yumuko si Batseba at nagpatirapa sa harap ng hari. At sinabi ng hari, "Ano ang iyong nais?" 17 Sinabi niya sa kaniya, "Aking panginoon, sumumpa ka sa iyong lingkod kay Yahweh na iyong Diyos, na iyong sinabi, 'Tiyak na si Solomon na iyong anak ang maghahari pagkatapos ko, at uupo siya sa aking trono.' 18 Ngayon, tingnan mo, si Adonias ang hari, at ikaw, aking panginoong hari, ay hindi mo alam ito. 19 Nag-alay siya ng mga lalaking baka, pinatabang baka, at maraming mga tupa at inanyayahan ang lahat ng mga anak na lalaki ng hari, si Abiatar na pari, at si Joab na kapitan ng hukbo, pero hindi niya inanyayahan si Solomon na iyong lingkod. 20 Aking panginoong hari, ang mga mata ng buong Israel ay nasa iyo, naghihintay sila na sabihin mo sa kanila kung sino ang uupo sa trono pagkatapos mo, aking panginoon. 21 Kung hindi, mangyayari ito, kapag nahimlay na ang aking panginoon ang hari kasama ng kaniyang mga ninuno, ako at ang aking anak na si Solomon ay ituturing na mga kriminal." 22 Habang kinakausap niya ang hari, pumasok si Nathan na propeta. 23 Sinabi ng mga lingkod sa hari, "Nandito si Nathan na propeta." Nang pumunta siya sa harapan ng hari, nagpatirapa siya na ang kaniyang mukha ay nasa sahig. 24 Sinabi ni Nathan, "Aking panginoong hari, sinabi mo bang, 'Si Adonias ang maghahari pagkatapos ko, at uupo siya sa aking trono?' 25 Dahil bumaba siya ngayon at nag-alay siya ng maraming mga lalaking baka, mga pinatabang baka at mga tupa, at inanyayahan ang lahat ng mga anak na lalaki ng hari, ang mga kapitan ng mga hukbo, at si Abiatar na pari. Kumakain at umiinom sila sa harapan niya, at isinasabi nilang, 'Mabuhay si Haring Adonias!' 26 Pero ako na iyong lingkod, si Sadoc na pari, si Benaias na anak ni Joiada, at ang iyong lingkod na si Solomon, ay hindi niya inanyayahan. 27 Ginawa ba ito ng aking panginoong hari nang hindi mo sinasabi sa amin na iyong mga lingkod, kung sino ang dapat na maupo sa trono pagkatapos niya?" 28 Pagkatapos, sumagot si Haring David at sinabi, "Pabalikin mo sa akin si Batsheba." Pumunta siya sa harap ng hari at tumayo sa harap niya. 29 Gumawa ng panata ang hari at sinabi, "Buhay si Yahweh, na tumubos sa akin mula sa lahat ng kaguluhan, 30 tulad ng panunumpa ko sa iyo kay Yahweh, ang Diyos ng Israel, sinasabi ko, 'Ang iyong anak na si Solomon ang maghahari pagkatapos ko, at uupo siya sa aking trono kapalit ko,' gagawin ko ito ngayon." 31 Pagkatapos, yumuko si Batseba na ang kaniyang mukha ay nasa sahig at nagpatirapa sa harap ng hari at sinabi, "Nawa ang aking panginoon na si Haring David ay mabuhay magpakailanman!" 32 Sinabi ni Haring David, "Papuntahin mo sa akin si Sadoc na pari, si Nathan na propeta, at si Benaias na anak ni Joiada." Kaya pumunta sila sa hari. 33 Sinabi ng hari sa kanila, "Magsama kayo ng mga lingkod ko na inyong panginoon, at pasakayin ninyo si Solomon na aking anak sa aking sariling mola at dalhin ninyo siya sa Gihon. 34 Pahiran siya ng langis nila Sadoc na pari at Nathan na propeta bilang hari ng buong Israel at hipan ang trumpeta at sabihi, 'Mabuhay si Haring Solomon!' 35 Pagkatapos ay susundan ninyo siya, at pupunta siya at mauupo sa aking trono; dahil siya ang magiging hari kapalit ko. Itinalaga ko siya para maging pinuno ng buong Israel at Juda." 36 Sumagot si Benaias na anak ni Joiada sa hari, at sinabi, "Nawa'y ito nga ang mangyari! Nawa'y si Yahweh, na Diyos ng aking hari, ang magpatibay nito. 37 Kung paano sinamahan ni Yahweh ang aking panginoong hari, nawa'y ganoon din kay Solomon, at gawing mas dakila ang kaniyang trono kaysa sa trono ng aking panginoong si Haring David." 38 Kaya sila Sadoc na pari, Nathan na propeta, Benaias na anak ni Joiada, at ang mga Kereteo at Peleteo ay bumaba at pinasakay si Solomon sa mola ni Haring David; dinala nila siya sa Gihon. 39 Kinuha ni Sadoc na pari ang sungay na lalagyan ng langis mula sa tolda at pinahiran ng langis si Solomon. Pagkatapos ay hinipan nila ang trumpeta, at sinabi ng lahat ng tao, "Mabuhay si Haring Solomon!" 40 Pagkatapos, sumunod ang lahat ng tao sa kaniya, at tumugtog ng mga plauta at nagsaya nang may buong kagalakan, na ang lupa ay nayanig sa kanilang tunog. 41 Narinig ito nila Adonias at ng lahat ng kaniyang mga panauhin habang patapos na sila sa pagkain. Nang narinig ni Joab ang tunog ng trumpeta, sinabi niya, "Bakit napakaingay ng lungsod?" 42 Habang nagsasalita siya, dumating si Jonatan na anak ni Abiatar na pari. Sinabi ni Adonias, "Pumasok ka, dahil karapat-dapat ka at nagdadala ka ng magandang balita." 43 Sumagot si Jonatan at sinabi kay Adonias, "Ang aming panginoong si Haring David ay ginawang hari si Solomon. 44 At pinadala ng hari sila Sadoc na pari, Nathan na propeta, Benaias na anak ni Joiada, at ang mga Kereteo at Peleteo na kasama niya. Pinasakay nila si Solomon sa mola ng hari. 45 Pinahiran siya ng langis bilang hari nila Sadoc na pari at Nathan ang propeta sa Gihon, at nagsaya mula roon, kaya napakaingay ng lungsod. Ito ang ingay na narinig mo. 46 Nakaupo rin si Solomon sa trono ng kaharian. 47 Dagdag pa rito, ang mga lingkod ng hari ay dumating para pagpalain ang ating panginoong si Haring David, sinasabi nila, 'Nawa'y gawing mas dakila ng iyong Diyos ang pangalan ni Solomon kaysa sa iyong pangalan, at gawing mas dakila ang kaniyang trono kaysa sa iyong trono.' At iniyuko ng hari ang kaniyang sarili sa higaan. 48 Sinabi rin ng hari, 'Pagpalain nawa si Yahweh, na Diyos ng Israel, na nagbigay ng isang tao na mauupo sa aking trono balang-araw, at makita ito ng sarili kong mga mata.'" 49 Pagkatapos, ang lahat ng mga panauhin ni Adonias ay natakot; tumayo sila at kani-kaniyang umalis. 50 Takot si Adonias kay Solomon at tumayo siya, umalis, at kinuha ang mga sungay sa altar. 51 Pagkatapos ay sinabi ito kay Solomon, sinasabi, "Tingnan mo, si Adonias ay takot kay Haring Solomon, dahil kinuha niya ang mga sungay sa altar, sinasabi, 'Manumpa muna sa akin si Haring Solomon na hindi niya papatayin ang kaniyang lingkod gamit ang espada."' 52 Sinabi ni Solomon, "Kung ipakikita niya na siya ay isang taong karapat-dapat, kahit ang isang hibla ng kaniyang buhok ay hindi malalagas sa lupa, ngunit kung kasamaan ang makikita sa kaniya, mamamatay siya." 53 Kaya nagsugo si Haring Solomon ng mga kalalakihan, na nagbaba kay Adonias pababa ng altar. Pumunta at yumuko siya kay Haring Solomon, at sinabi ni Solomon sa kaniya, "Umuwi ka na."

Chapter 2

1 Sa pagdating ng araw ng malapit nang mamatay si David, inutusan niya si Solomon na kaniyang anak, sinabi niya, 2 "Papunta na ako sa lupa. Kaya maging malakas ka at ipakita mong lalaki ka. 3 Sundin mo ang mga utos ni Yahweh na iyong Diyos na lumakad sa kaniyang mga pamamaraan, na sumunod sa kaniyang mga alituntunin, kautusan, desisyon, at mga kautusan sa tipan, maging maingat na gawin kung ano ang nakasulat sa batas ni Moises, sa gayon magtatagumpay ka sa lahat ng gagawin mo, saan ka man pumunta, 4 upang tuparin ni Yahweh ang kaniyang salita na sinabi niya tungkol sa akin, na sinasabi niyang, 'Kung maingat na binabantayan ng mga anak mong lalaki ang kanilang pag-uugali, na lalakad nang matapat sa harapan ko nang kanilang buong puso at kaluluwa, hindi titigil kailanman na magkaroon ka ng isang lalaki sa trono ng Israel.' 5 Alam mo rin kung ano ang ginawa sa akin ni Joab na anak ni Zeruias, at kung ano ang ginawa niya sa dalawang kumander ng mga hukbo ng Israel, kay Abner na anak ni Ner, at kay Amasa na anak ni Jeter, na pinatay niya. Pinadanak niya ang dugo ng digmaan sa panahon ng kapayapaan at inilagay ang dugo ng digmaan sa sinturon sa palibot ng kaniyang baywang at sa mga sapatos niya sa kaniyang mga paa. 6 Pakitunguhan mo si Joab gamit ang karunungan na natutunan mo, pero huwag mong hayaang ang kaniyang kulay abong ulo ay mapunta sa libingan nang may kapayapaan. 7 Subalit, magpakita ka ng kabaitan sa mga anak na lalaki ni Barsilai na taga-Galaad, at hayaan mo silang makasama sa mga kumakain sa iyong mesa, dahil pumunta sila sa akin noong tumakas ako sa kapatid mong si Absalom. 8 Tingnan mo, kasama mo si Semei na anak ni Gera, ang Benjaminita ng Bahurim, na sinumpa ako ng isang napakasamang sumpa noong araw na pumunta ako sa Mahanaim. Bumaba si Semei para salubungin ako sa Jordan, at sumumpa ako sa kaniya kay Yahweh, sinasabi ko, 'Hindi kita papatayin gamit ang espada.' 9 Kaya ngayon, huwag mo siyang hayaang makawala mula sa kaparusahan. Isa kang matalinong tao, at malalaman mo kung ano ang dapat mong gawin sa kaniya. Dadalhin mo ang kaniyang kulay abong ulo sa libingan nang may dugo." 10 Pagkatapos, nahimlay na si David kasama ang kaniyang mga ninuno at inilibing sa lungsod ni David. 11 Ang mga araw na naghari si David sa Israel ay apatnapung taon. Naghari siya sa Hebron ng pitong taon at sa Jerusalem ng tatlumpu't tatlong taon. 12 Pagkatapos naupo si Solomon sa trono ng kaniyang ama na si David, at ang kaniyang pamumuno ay naging matatag. 13 Pagkatapos, pumunta si Adonias na anak ni Haguit kay Batsheba na ina ni Solomon. Sinabi niya, "Pumunta ka ba dito nang may kapayapaan?" Sinagot niya, "Mapayapa." 14 Pagkatapos ay sinabi niya, "Mayroon akong nais sabihin sa iyo." Kaya sumagot siya, "Magsalita ka." 15 Sinabi ni Adonias, "Alam mo na ang kaharian ay sa akin, at inasahan akong maging hari ng buong Israel. Gayunpaman, bumaliktad ang naganap sa kaharian at napunta sa aking kapatid, dahil ito ay sa kaniya mula kay Yahweh. 16 Ngayon mayroon akong isang kahilingan sa iyo. Huwag mo akong tanggihan." Sinabi sa kaniya ni Batsheba, "Magsalita ka." 17 Sinabi niya, "Pakiusap, kausapin mo si Solomon na hari, dahil hindi ka niya tatanggihan, para ibigay niya sa akin si Abisag na taga-Sunem bilang aking asawa." 18 Sinabi ni Batsheba, "Kung ganoon, kakausapin ko ang hari." 19 Kaya pumunta si Batsheba kay Haring Solomon para kausapin siya para kay Adonias. Tumayo ang hari para salubungin siya at yumuko siya sa kaniya. Pagkatapos ay naupo siya sa kaniyang trono at nagpakuha ng trono para sa ina ng hari. Naupo siya sa bandang kanang kamay niya. 20 Pagkatapos, sinabi niya, "Gusto kong humiling ng isang maliit na kahilingan sa iyo; huwag mo akong tanggihan." Sinagot siya ng hari, "Humiling ka, aking ina, dahil hindi kita tatanggihan." 21 Sinabi niya, "Ibigay mo si Abisag na taga-Sunem kay Adonias na iyong kapatid bilang kaniyang asawa." 22 Sumagot si Haring Solomon at sinabi sa kaniyang ina, "Bakit mo hinihingi si Abisag na taga-Sunem para kay Adonias? Bakit hindi mo rin hingin ang kaharian para sa kaniya, dahil siya ang aking nakatatandang kapatid—para sa kaniya, para kay Abiatar na pari, at para kay Joab na anak ni Zeruias?" 23 Pagkatapos ay sumumpa si Haring Solomon kay Yahweh, sinasabi niya, "Nawa'y gawin sa akin ng Diyos, at mas higit pa, kung hindi ito sinabi ni Adonias laban sa kaniyang sariling buhay. 24 Kaya ngayon sa kay Yahweh na buhay, na nagtatag at naglagay sa akin sa trono ni David na aking ama, at ang gumawa ng sambahayan sa akin tulad ng ipinangako niya, tiyak na papatayin si Adonias ngayon." 25 Kaya pinadala ni Haring Solomon si Benaias na anak ni Joiada at nahanap ni Benaias si Adonias at pinatay siya. 26 At kay Abiatar na pari, sinabi ng hari, "Pumunta ka sa Anatot, sa sarili mong bukirin. Dapat kang patayin, pero hindi kita papatayin sa oras na ito, dahil binuhat mo ang kaban ng tipan ng Panginoong si Yahweh sa harap ni David na aking ama at kasama kang naghirap sa bawat paghihirap ng aking ama." 27 Kaya inalis ni Solomon si Abiatar mula sa pagiging pari ni Yahweh, para matupad niya ang salita ni Yahweh, na sinabi niya tungkol sa sambahayan ni Eli sa Silo. 28 Dumating ang balita kay Joab, dahil sinuportahan ni Joab si Adonias, pero hindi niya sinuportahan si Absalom. Kaya pumunta si Joab sa tolda ni Yahweh at kinuha ang mga sungay sa altar. 29 Sinabi kay Haring Solomon na si Joab ay tumakas papunta sa tolda ni Yahweh at ngayo'y nasa tabi ng altar. Kaya sinugo ni Solomon si Benaias na anak ni Joiada, sinasabi niya, "Humayo ka, patayin mo siya." 30 Kaya pumunta si Benaias sa tolda ni Yahweh at sinabi sa kaniya, "Ang sabi ng hari, 'Lumabas ka.'" Sumagot si Joab, "Hindi, mamamatay ako dito." Kaya bumalik si Benaias sa hari, sinasabi niya, "Sinabi ni Joab na gusto niyang mamatay sa altar." 31 Sinabi sa kaniya ng hari, "Gawin mo kung ano ang sinabi niya. Patayin mo siya at ilibing, para maalis mo mula sa akin at sa sambahayan ng aking ama ang dugo na pinadanak ni Joab nang walang dahilan. 32 Nawa'y ibalik ni Yahweh ang dugo sa kaniyang sarili, dahil nilusob niya ang dalawang lalaking mas matuwid at mas mabuti kaysa sa kaniya at pinatay sila gamit ang espada, sila Abner na anak ni Ner, ang kapitan ng hukbo ng Israel, at Amasa na anak ni Jeter, ang kapitan ng hukbo ng Juda, nang hindi nalalaman ng aking amang si David. 33 Kaya nawa ang dugo nila ay bumalik sa ulo ni Joab at sa ulo ng kaniyang mga kaapu-apuhan magpakailanman. Pero kay David at sa kaniyang mga kaapu-apuhan, at kaniyang sambahayan, at sa kaniyang trono, nawa'y magkaroon ng kapayapaan mula kay Yahweh magpakailanman." 34 Pagkatapos, umalis si Benaias na anak ni Joiada at sinalakay si Joab at pinatay siya. Inilibing siya sa kaniyang sariling bahay sa ilang. 35 Nilagay ng hari si Benaias na anak ni Joiada sa hukbo kapalit niya, at nilagay niya si Sadoc na pari kapalit ni Abiatar. 36 Pagkatapos ay pinadala at pinatawag niya si Semei, at sinabi sa kaniya, "Magtayo ka ng bahay sa Jerusalem at manirahan doon, at huwag kang lalabas mula doon papunta kahit saang lugar. 37 Dahil sa araw na umalis ka, at dumaan sa Lambak ng Kidron, dapat mong malaman na tiyak kang mamamatay. Ang dugo ay mapupunta sa iyong sarili." 38 Kaya sinabi ni Semei sa hari, "Ang sinasabi mo ay mabuti. Tulad ng sinabi ng aking panginoon na hari, gagawin ng iyong lingkod." Kaya nanirahan si Semei sa Jerusalem nang maraming araw. 39 Pero sa pagtatapos ng tatlong taon, dalawa sa mga lingkod ni Semei ay tumakas papunta kay Achish na anak ni Maaca na hari ng Gat. Kaya sinabi nila kay Semei, "Tingnan mo, ang mga lingkod mo ay nasa Gat." 40 At tumayo si Semei, inihanda niya ang kaniyang asno, at pumunta kay Achish sa Gat para hanapin ang kaniyang mga lingkod. Umalis siya at kinuha ang kaniyang mga lingkod mula sa Gat. 41 Nang sinabihan si Solomon na umalis si Semei mula sa Jerusalem papuntang Gat at bumalik, 42 nagsugo ang hari at pinatawag si Semei at sinabi sa kaniyang, "Hindi ba kita pinanumpa kay Yahweh, at nagpatotoo sa iyo, sinasabi ko, 'Dapat mong malaman na sa araw na aalis ka at pupunta sa ibang lugar, tiyak na mamamatay ka?' Pagkatapos ay sinabi mo sa akin, 'Ang sinabi mo ay mabuti.' 43 Kaya bakit hindi mo iningatan ang iyong panunumpa kay Yahweh, at ang utos na binigay ko sa iyo?" 44 Sinabi rin ng hari kay Semei, "Alam mo sa iyong puso ang lahat ng kasamaan na ginawa mo sa aking ama na si David. Kaya ibabalik ni Yahweh ang kasamaan mo sa iyong sarili. 45 Pero pagpapalain si Haring Solomon, at matatatag ang trono ni David sa harap ni Yahweh magpakailanman." 46 Kaya inutusan ng hari si Benaias na anak ni Joiada na umalis at patayin si Semei. Kaya ang pamumuno ay matibay na naitatag sa kamay ni Solomon.

Chapter 3

1 Kumampi si Solomon sa Paraon na hari ng Ehipto sa pamamagitan ng pagpapakasal. Kinuha niya ang anak na babae ng Paraon at dinala siya sa lungsod ni David hanggang sa matapos niya ang pagtatayo ng kaniyang sariling tahanan, ang tahanan ni Yahweh, at ang pader sa paligid ng Jerusalem. 2 Nag-aalay ang mga tao sa mga dambana, dahil wala pang tahanan ang naitayo para sa pangalan ni Yahweh. 3 Minahal ni Solomon si Yahweh, lumalakad sa mga alituntunin ni David na kaniyang ama, maliban na nag-alay siya at nagsunog ng insenso sa mga dambana. 4 Pumunta ang hari sa Gibeon para mag-alay doon, dahil iyon ang malaking dambana. Naghandog si Solomon ng isang libong susunuging handog sa altar na iyon. 5 Nagpakita si Yahweh sa Gibeon kay Solomon sa isang panaginip isang gabi; sinabi niya, "Humiling ka! Ano ang ibibigay ko sa iyo?" 6 Kaya sinabi ni Solomon, "Nagpakita ka ng dakilang katapatan sa tipan sa iyong lingkod, si David, aking ama, dahil lumakad siya sa harap mo nang may pagtitiwala, katuwiran, at kabutihan ng puso. Iningatan mo ang dakilang katapatan sa tipan na ito para sa kaniya at binigyan mo siya ng anak na lalaki para maupo sa trono niya ngayon. 7 At ngayon, Yahweh na aking Diyos, ginawa mong hari ang iyong lingkod kapalit ni David na aking ama, kahit na isa lamang akong bata. Hindi ko alam kung paano lumabas o pumasok. 8 Ang iyong lingkod ay nasa kalagitnaan ng mga taong pinili mo, dakilang bayan, masyadong marami para itala o bilangin. 9 Kaya bigyan mo ang iyong lingkod ng maunawaing puso para hatulan ang iyong bayan, para malaman ko ang mabuti at masama. Dahil sino ang may kakayahang hatulan ang dakilang bansa mo na ito?" 10 Ang kahilingan na ito ni Solomon ay ikinalugod ng Panginoon. 11 Kaya sinabi sa kaniya ng Diyos, "Dahil hiniling mo ang bagay na ito at hindi ka humiling para sa sarili mo ng mahabang buhay o kayamanan o ang buhay ng iyong mga kalaban, pero humiling ka para sa sarili mo ng kaunawaan para malaman ang katarungan. 12 Tingnan mo, ngayon gagawin ko ang lahat ng hiniling mo sa akin. Bibigyan kita ng may karunungan at maunawaing puso, sa gayon wala ng katulad mo na nauna sa iyo, at walang katulad mo ang mas hihigit na susunod sa iyo. 13 Binigay ko rin sa iyo ang hindi mo hiniling, ang parehong kayamanan at karangalan, para walang magiging katulad mo sa mga hari sa lahat ng iyong mga araw. 14 Kung lalakad ka sa aking mga paraan para sundin ang aking mga alituntunin at utos, tulad ng paglakad ng iyong ama na si David, pahahabain ko ang iyong mga araw." 15 Pagkatapos ay nagising si Solomon, masdan ito, isa iyong panaginip. Pumunta siya sa Jerusalem at tumayo sa harap ng kaban ng tipan ng Panginoon. Nag-alay siya ng mga handog na susunugin at handog para sa kapayapaan, at nagdaos ng isang handaan para sa lahat ng kaniyang mga lingkod. 16 May dalawang bayarang babae ang pumunta sa hari at tumayo sa harap niya. 17 Sinabi ng isang babae, "O, aking panginoon, ako at ang babaeng ito ay naninirahan sa iisang bahay, at nanganak ako kasama siya sa bahay na iyon. 18 Nangyari na sa ikatlong araw matapos kong manganak ay nanganak din ang babaeng ito. Magkasama kami. Wala na kaming kasama sa bahay, pero kami lamang dalawa ang nasa bahay. 19 Isang gabi ay namatay ang kaniyang anak na lalaki, dahil nahigaan niya ito. 20 Kaya tumayo siya nang hatinggabi at kinuha ang aking anak na lalaki sa tabi ko, habang natutulog ang iyong lingkod, at inihiga siya sa kaniyang dibdib, at inihiga ang kaniyang patay na anak sa aking dibdib. 21 Nang tumayo ako kinaumagahan para pasusuin ang aking anak, patay na siya. Pero nang tinignan ko siya nang mabuti kinaumagahan, hindi siya ang aking anak, na ipinanganak ko." 22 Pagkatapos ay sinabi ng isa pang babae, "Hindi, ang nabubuhay ang aking anak, at ang patay ay ang iyong anak." Sinabi ng unang babae, "Hindi, ang patay ay ang iyong anak, at ang nabubuhay ay ang aking anak." Ganito sila nag-usap sa harap ng hari. 23 Pagkatapos ay sinabi ng hari, "Ang isa sa inyo ay sinasabi, 'Ito ang aking anak na nabubuhay, at ang iyong anak ay patay na,' at sinasabi ng isa pa, 'Hindi, ang anak mo ay ang patay na, at ang anak ko ay ang nabubuhay pa.'" 24 Sinabi ng hari, "Magdala kayo sa akin ng espada." Kaya nagdala sila ng espada sa hari. 25 Pagkatapos ay sinabi ng hari, "Hatiin ninyo ng dalawa ang nabubuhay na bata, at ibigay ang kalahati sa babaeng ito, at ang kalahati sa isa pa." 26 At ang babae na ang anak ay buhay pa ay nagsalita sa hari, dahil ang kaniyang puso ay puno ng pagmamahal para sa kaniyang anak, "O, aking panginoon, ibigay mo na lang sa kaniya ang nabubuhay na bata, at huwag mo siyang patayin sa anumang paraan." Pero sinabi ng isa pang babae, "Hindi siya mapupunta sa akin o sa iyo. Hatiin ninyo siya." 27 Pagkatapos ay sumagot ang hari at sinabi, "Ibigay niyo sa unang babae ang nabubuhay na bata, at huwag ninyo siyang patayin sa anumang paraan. Siya ang kaniyang ina." 28 Nang narinig ng buong Israel ang paghahatol na ginawa ng hari, natakot sila sa hari, dahil nakita nila ang karunungan ng Diyos ay nasa kaniya sa pagbibigay ng hatol.

Chapter 4

1 Si Haring Solomon ay hari sa buong Israel. 2 Ito ang kaniyang mga opisyal: si Azarias, anak ni Zadok, ay ang pari. 3 Sina Elihoref at Ahias, mga anak ni Sisa, ay mga kalihim. Si Jehoshafat, anak ni Ahilud, ay ang tagapagtala. 4 Si Benaias, anak ni Joiada, ay pinakamataas na pinuno ng hukbo. Sina Zadok at Abiatar ay mga pari. 5 Si Azarias, anak ni Natan, ay tagapamahala ng mga pinuno. Si Zabud, anak ni Natan, ay isang pari at kaibigan ng hari. 6 Si Ahisar ay aang namamahala sa sambahayan. Si Adoniram, anak ni Abda, ay namamahala ng mga kalalakihan na sakop sa sapilitang paggawa. 7 May labingdalawang mga pinuno si Solomon sa buong Israel, na nagbibigay ng pagkain para sa hari at sa kaniyang sambahayan. Bawat lalaki ay kailangang maglaan para sa isang buwan sa loob ng isang taon. 8 Ito ang kanilang mga pangalan: Si Benhur, para sa kaburolang bansa ng Ephraim; 9 Si Bendequer para sa Macaz, Saalbim, Beth-semes, at sa Elon-behanan, 10 si Ben-hessed, para sa Arubot (sa kaniyang pag-aari ang Socoh at ang buong lupain ng Hefer) 11 Si Ben-abinadab, para sa lahat ng distrito ng Dor (asawa niya si Tafath, ang anak na babae ni Solomon); 12 Si Baana, anak ni Ahilud, para sa Taanac at Megido, at ang buong Beth-sean na nasa tabi ng Zaretan sa ibaba ng Jezreel, mula sa Beth-sean hanggang sa Abel-mehola kasing layo ng kabilang bahagi ng Jokmeam; 13 Si Ben-geber ang sa Ramot-Gilead. (sa kaniyang pag-aari ang mga bayan ni Jair, anak ni Manases, na nasa Galaad, at ang rehiyon ng Argob ay pag-aari niya, na nasa Bashan, animnapung malalaking mga lungsod na may mga pader at mga tansong rehas na tarangkahan); 14 Si Ahinadab na anak ni Iddo para sa Mahanaim; 15 Si Ahimaaz, para sa Neftali (pinakasalan niya rin si Basemat na anak na babae ni Solomon); 16 Si Baana na anak ni Husai, para sa Asher at Alot, at 17 si Jehoshafat na anak ni Parua, para sa Isacar; 18 Si Simei, anak ni Ela, para sa Benjamin; 19 at si Geber, anak ni Uri, para sa lupain ng Galaad, ang bayan ni Sihon, hari ng mga Amoreo at ni Og, hari ng Bashan, at siya lamang ang opisyal na nasa lupain. 20 Kasing dami ng buhangin sa tabing-dagat ang Juda at Israel. Sila ay kumakain at umiinum at masasaya. 21 Naghari si Solomon sa buong kaharian mula sa Ilog hanggang sa lupain ng mga Filisteo at sa hangganan ng Ehipto. Nagdala sila ng parangal at naglingkod kay Solomon sa buong buhay niya. 22 Ang pangangailangan ni Solomon para sa isang araw ay tatlumpung kor ng pinong harina at animnapung kor ng pagkain, 23 sampung matatabang baka, dalawampung baka galing sa pastulan, at isang daang tupa, bukod pa sa usa, mga gasel, mga usang lalaki at mga pinatabang ibon. 24 Dahil siya ang may kapangyarihan sa buong rehiyon sa bahagi ng Ilog, mula sa Tifsa hanggang sa Gaza, sa lahat ng mga hari dito sa bahagi ng Ilog, at siya ay may kapayapaan sa lahat ng panig ng nakapaligid sa kanya. 25 Ang Juda at Israel ay namuhay sa kaligtasan, bawat lalaki nasa ilalim ng kaniyang puno ng ubas at ilalim ng kaniyang punong igos, mula sa Dan hanggang sa Beer-seba, sa buong buhay ni Solomon. 26 Si Solomon ay may apatnapung libong kuwadra ng kabayo para sa kanyang mga karwahe, at labingdalawang libong mangangabayo. 27 Ang mga opisyal na iyon ay nagbigay ng pagkain para kay Haring Solomon at para sa lahat ng pumunta sa hapag-kainan ni Haring Solomon, bawat lalaki sa kanyang buwan. Hindi nila hinahayaang magkaroon ng pagkukulang. 28 Sila rin ay nagdala sa tamang lugar ng senada at dayami para sa mga kabayong pangkarwahe at sinasakyan, bawat isa nagdadala kung ano ang kaniyang nakayanan. 29 Binigyan ng Diyos si Solomon ng kahanga-hangang karunungan at pag-unawa, at malawak na pag-unawa gaya ng mga buhangin sa dalampasigan. 30 Ang karunungan ni Solomon ay higit pa sa karunungan ng lahat ng bayan ng silangan at sa lahat ng karunungan ng Ehipto. 31 Mas matalino pa siya kaysa sinumang tao-kaysa kay Etan na Ezrahita, Heman, Calcol, at Darda, mga anak na lalaki ni Machol-at ang kaniyang katanyagan ay umabot sa lahat ng nakapaligid na mga bansa. 32 Siya ay nagsasalita ng tatlong libong kawikaan, at ang kaniyang mga awit ay isang libo't lima ang bilang. 33 Isinalarawan niya ang mga halaman, mula sa sedar na nasa Lebanon hanggang sa hisopong tumutubo sa pader. Pinaliwanag niya rin ang tungkol sa mga hayop, mga ibon, mga bagay na gumagapang, at isda. 34 Dumating ang mga taong galing sa lahat ng mga bansa para pakinggan ang karunungan ni Solomon, pinadala mula sa mga hari ng daigdig na nakarinig ng kaniyang karunungan.

Chapter 5

1 Ipinadala ni Hiram, hari ng Tiro, ang kaniyang mga lingkod kay Solomon, dahil narinig niya na siya ay hinirang na hari kapalit ng kaniyang ama; dahil sa noon pa man ay mahal na ni Hiram si David. 2 Nagpadala ng salita si Solomon kay Hiram, nagsasabing, 3 "Alam mo na ang aking amang si David ay hindi maaring magtayo ng isang templo sa pangalan ni Yahweh ang kaniyang Diyos dahil sa mga digmaan na pumaligid sa kaniya, dahil sa kaniyang buong buhay inilalagay ni Yahweh sa ilalim ng kaniyang talampakan ang kaniyang mga kaaway. 4 Pero ngayon, si Yahweh na aking Diyos ay nagbigay sa akin ng kapahingan sa lahat ng dako. Walang sinumang kalaban ni anumang sakuna. 5 Kaya binabalak kong magtayo ng isang templo para sa pangalan ni Yahweh na aking Diyos, gaya ng sinabi ni Yahweh kay David na aking ama, nagsasabing, 'Ang iyong anak, na siyang iluluklok ko sa iyong trono kapalit mo, ang magtatayo ng templo para sa aking pangalan.' 6 Kaya ngayon utusan mo sila na magputol ng mga sedar mula sa Lebanon para sa akin. At ang aking mga lingkod ay tutulong sa iyong mga lingkod, at babayaran kita para sa iyong mga lingkod sa gayon bayad ka ng patas sa lahat ng bagay na sinang-ayunan mong gawin. Dahil alam mo na walang sinuman sa amin ang nakakaalam kung paano magputol ng troso gaya ng mga taga-Sidon." 7 Nang marinig ni Hiram ang mga salita ni Solomon, siya ay nagalak ng labis at nagsabi, "Nawa mapapurihan si Yahweh sa araw na ito, na siyang nagbigay kay David ng isang matalinong anak na mamamahala sa kaniyang dakilang bayan" 8 Nagpadala ng salita si Hiram kay Solomon na nagsasab, "Narinig ko ang mensahe na ipinadala mo sa akin. Gagawin ko ang lahat ng nais mo patungkol sa mga troso ng sedar at saypres. 9 Ibababa ng aking mga lingkod ang mga puno buhat sa Lebanon hanggang sa dagat, at gagawin kong balsa ang mga ito para makarating sa pamamagitan ng dagat sa lugar na iniatas mo sa akin. Ang mga ito ay paghihiwa-hiwalayin doon at ito ay inyong mahahakot. Matutupad mo ang aking hangarin sa pamamagitan ng pagbibigay ng pagkain para sa aking sambahayan." 10 Kaya ibinigay ni Hiram kay Solomon ang lahat ng troso ng sedar at pir na gusto niya. 11 Binigyan ni Solomon si Hiram ng dalawampung libong takal ng trigo para sa pagkain ng kaniyang sambahayan at dalawampung galon ng purong langis. Ibinigay ito ni Solomon kay Hiram taon-taon. 12 Binigyan ni Yahweh si Solomon ng katalinuhan, gaya ng kaniyang ipinangako sa kaniya. May kapayapaan sa pagitan nila Hiram at Solomon, at silang dalawa ay gumawa ng isang tipan. 13 Sapilitang pinagtrabaho ni Haring Solomon ang buong Israel; ang bilang ng sapilitang mga manggagawa ay tatlumpong libong kalalakihan. 14 Sila ay pinadala niya sa Lebanon, sampung libo isang buwan ng halinhinan. Isang buwan sila nasa Lebanon at dalawang buwan sa kanilang tahanan. Si Adoniram ang namahala sa mga pinilit na manggagawa. 15 Si Solomon ay may pitumpung libong taga-buhat ng mga mabibigat at walumpong libong taga-tibag ng mga bato sa mga bundok, 16 bukod sa mga 3, 300 na punong opisyal na namamahala sa mga gawain at nangangasiwa sa mga manggagawa. 17 Sa utos ng hari sila ay nagtibag ng malalaking mga bato na mataas ang kalidad para sa paglatag ng pundasyon ng templo. 18 Kaya ang mga tagapagpatayo nila Solomon at Hiram at ang mga Gibalita ang gumawa ng pagpuputol at naghanda ng troso at ng mga bato para sa pagpapatayo ng templo.

Chapter 6

1 Kaya inumpisahan itayo ni Solomon ang templo ni Yahweh. Ito ay nangyari sa ika-480 taon pagkatapos lumabas ng lupain ng Ehipto ang bayan ng Israel, sa ika-apat na taon ng paghahari ni Solomon sa buong Israel, sa buwan ng Ziv, na ikalawang buwan. 2 Ang templo na itinayo ni Haring Solomon para kay Yahweh ay may animnapung kubit na haba, dalawampung kubit na lawak, at tatlumpong kubit na taas. 3 Ang portiko sa harapan ng pangunahing bulwagan ng templo ay dalawampung kubit ang haba, kasing lapad ng templo, at sampung kubit na lalim sa harapan ng templo. 4 Para sa bahay gumawa siya ng bintana na may balangkas na mas makitid sa labas kaysa sa loob. 5 Sa gilid ng mga pader ng pangunahing silid siya ay nagtayo ng mga silid sa paligid nito, sa paligid ng parehong panlabas na silid at panloob na silid. Siya ay nagtayo ng mga silid sa paligid ng lahat ng panig. 6 Ang pinakamababang palapag ay limang kubit ang lawak, ang gitna ay anim na kubit ang lawak, at ang ikatlo ay pitong kubit ang lawak. Para sa labas gumawa siya ng ungos sa mga pader ng templo sa lahat ng paligid para ang mga biga ay hindi maaring maisingit sa mga pader ng templo. 7 Ang templo ay itinayo ng mga batong inihanda sa tibagan; walang martilyo, palakol, o anumang kagamitan gawa sa bakal ang narinig sa templo habang ito ay itinatayo. 8 Sa timog na bahagi ng templo ay may pasukan sa ibabang palapag, at maaaring aakyat sa hagdan patungo sa gitnang palapag, at mula sa gitna patungo sa ikatlong palapag. 9 Kaya itinayo ni Solomon ang templo at tinapos ito; binubungan niya ang templo sa pamamagitan ng mga biga at mga makakapal na tablang sedar. 10 Itinayo niya ang mga silid sa gilid salungat sa panloob na mga silid ng templo, bawat panig ay limang kubit ang taas, ito ay nakakabit sa templo sa pamamagitan ng bigang sedar. 11 Ang salita ni Yahweh ay nakarating kay Solomon, nagsasabi " 12 Tungkol dito sa templo na iyong itinatayo, kung ikaw ay lalakad ayon sa aking mga alituntunin at gagawa ng katarungan, pananatilihin ang lahat ng aking kautusan at sumunod sa mga ito, pagtitibayin ko ang aking pangako sa iyo na aking ginawa kay David na iyong ama. 13 Ako ay mananahan sa bayan ng Israel at hindi ko sila tatalikdan. 14 Kaya itinayo ni Solomon ang templo at tinapos ito. 15 Pagkatapos itinayo niya ang mga panloob na pader ng templo sa pamamagitan ng mga tablang sedar. Mula sa sahig ng templo hanggang sa kisame, tinakpan niya ang mga ito sa loob sa pamamagitan ng kahoy, at tinakpan niya ang sahig ng templo sa pamamagitan ng mga tablang saypres. 16 Nagtayo siya ng dalawampung kubit sa likuran ng templo sa pamamagitan ng tablang sedar mula sa sahig hanggang sa kisame. Itinayo niya ang silid na ito para maging panloob na silid, ang kabanal-banalang lugar. 17 Ang pangunahing bulwagan, na banal na lugar na nasa harap ng kabanal-banalang lugar, ay apatnapung kubit ang haba. 18 May sedar sa loob ng templo, inukit sa hugis ng mga gurd at mga nakabukang bulaklak. Lahat ay sedar sa loob. Walang makikitang gawa sa bato doon. 19 Ihihanda ni Solomon ang panloob na silid sa loob ng templo para ilagay doon ang arko ng tipan ni Yahweh. 20 Ang panloob na silid ay dalawampung kubit ang haba, dalawampung kubit ang lapad, at dalawampung kubit ang taas; nilatagan ni Solomon ang mga pader ng purong ginto at tinakpan ang altar ng sedar na kahoy. 21 Nilatagan ni Solomon ang loob ng templo ng purong ginto. At nilagyan niya ng tanikalang ginto ang kabilang panig na harap ng panloob na silid, at nilatagan niya ng ginto ang harapan. 22 Nilatagan niya ang buong panloob ng ginto hanggang ang lahat ng templo ay matapos. Nilatagan niya rin ng ginto ang buong altar na nabibilang sa panloob na silid. 23 Gumawa si Solomon ng dalawang kerubin na kahoy mula sa puno ng olibo, ang bawat isa ay sampung kubit ang taas. 24 Ang isang pakpak ng unang kerubin ay limang kubit ang haba at ang isa pang pakpak nito ay limang kubit din ang haba. Kaya mula sa dulo ng isang pakpak hanggang sa kabilang dulo ng ikalawang pakpak ay mayroong sampung kubit ang agwat. 25 Ang lapad ng pakpak ng isang kerubin ay mayroon din sampung kubit. Kapwa kerubin ay mayroon parehong sukat at hugis. 26 Ang taas ng isang kerubin ay sampung kubit at ganoon din ang isa pang kerubin. 27 Inilagay ni Solomon ang mga kerubin sa pinakaloob na silid. Ang mga pakpak ng mga kerubin ay iniunat para ang pakpak ng isa ay madikit sa isang pader, at ang pakpak ng isa pang kerubin ay madikit sa isa pang pader. Ang kanilang mga pakpak ay nakadikit sa isa't isa sa gitna ng kabanal-banalang lugar. 28 Nilatagan ni Solomon ang mga kerubin ng ginto. 29 Inukitan niya ang lahat ng pader sa paligid ng templo ng mga hugis ng kerubin, mga puno ng palma, at mga nakabukang bulaklak, sa panlabas at panloob na mga silid. 30 Nilatagan ni Solomon ng ginto ang sahig ng templo, sa panlabas at panloob na mga silid. 31 Si Solomon ay nagpaggawa ng mga pintong gawa sa punong olibo para sa pasukan papunta sa panloob na silid. Ang hamba at mga poste ng pinto ay mayroon limang bahagi na may mga puwang. 32 Kaya nagpagawa siya ng dalawang pinto na gawa sa puno ng olibo, at gumawa siya sa mga ito ng mga ukit ng kerubin, mga puno ng palma, at mga nakabukang bulaklak. Binalutan niya ang mga ito ng ginto, at kanyang ikinalat ang mga ginto sa kerubin at mga puno ng palma. 33 Sa ganitong paraan, gumawa rin si Solomon para sa pasukan ng templo ng poste ng pinto na gawa sa puno ng olibo na mayroong apat na bahagi na may mga puwang 34 at dalawang pinto gawa sa kahoy ng puno ng saypres. Ang dalawang panel ng isang pinto ay natitiklop, at ang dalawang panel ng isa pang pinto ay natitiklop. 35 Inukitan niya ang mga ito ng mga kerubin, mga puno ng palma, at mga nakabukang bulaklak, at pantay niyang nilatagan ng ginto ang inukit na ginawa. 36 Itinayo niya ang panloob na patyo ng may tatlong hanay ng mga tabas na bato at isang hanay ng mga bigang sedar 37 Ang pundasyon ng templo ni Yahweh ay inilatag sa ika-apat na taon, sa buwan ng Ziv. 38 Sa ika-labing-isang taon, sa buwan ng Bul, na ika-walong buwan, ang templo ay natapos sa lahat ng mga bahagi nito at umayon sa lahat ng mga detalye nito. Inabot ng pitong taon si Solomon para maitayo ang templo.

Chapter 7

1 Inabot ng labing tatlong taon si Solomon para makapagtayo ng sarili niyang palasyo. 2 Itinayo niya ang Palasyo sa Kagubatan ng Lebanon. Ang haba nito ay isang daang kubit, ang lapad nito ay limampung kubit, at ang taas nito ay tatlumpung kubit. Ang palasyo ay itinayo nang may apat na hanay ng haliging sedar na may bigang sedar sa ibabaw ng mga poste. 3 Ang bubong ay gawa sa sedar; ito ay binubungan ng higit sa apatnapu't limang biga na nasa mga poste, labing lima sa isang hanay. 4 Doon ay may biga sa tatlong hanay, at bawat bintana ay katapat ng isa pang bintana sa tatlong pangkat. 5 Lahat ng mga pinto at mga poste ay ginawang mga parisukat na may biga, at ang bintana ay may katapat na bintana sa tatlong pangkat. 6 Doon ay may isang bulwagan na limampung kubit ang haba at tatlumpung kubit ang lapad, na may isang portiko sa harap at mga poste at isang bubong. 7 Itinayo ni Solomon ang bulwagan ng trono kung saan siya maghuhukom, ang bulwagan ng katarungan. Ang bawat palapag ay nababalutan ng sedar. 8 Ang tahanan ni Solomon kung saan siya maninirahan, sa ibang patyo sa loob ng palasyo, ay katulad din ang disenyo. Siya rin ay nagtayo ng tahanang tulad nito para sa anak na babae ng Paraon, na kaniyang ginawang asawa. 9 Ang mga gusaling ito ay pinalamutian ng mamahalin na batong natagpas, sinukat nang maagi at hinati ng lagari at pinakinis sa lahat ng panig. Ang mga batong ito ay ginamit mula sa pundasyon hanggang sa mga bato sa itaas at sa labas din ng malaking patyo. 10 Ang pundasyon ay itinayo gamit ang napakalaki, mamahaling bato na walo at sampung kubit ang haba. 11 Nasa itaas ang mamahaling mga batong natagpas nang wasto sa sukat, at mga bigang sedar. 12 Ang malaking patyo na nasa paligid ng palasyo ay may tatlong hanay ng tinagpas na bato at isang hanay ng bigang sedar tulad sa loob ng templo ni Yahweh at ng portiko ng templo. 13 Pinasundo ni Haring Solomon si Hiram at dinala siya mula sa Tiro. 14 Si Hiram ay anak na lalaki ng isang balo ng tribo ng Nephtali; ang kaniyang ama ay lalaking taga-Tiro, isang mahusay na manggagawa ng tanso. Si Hiram ay puno ng karunungan at kaalaman at kahusayan sa malaking gawain gamit ang tanso. Pumunta siya kay Haring Solomon para gumawa ng lahat ng kagamitan na yari sa tanso para sa hari. 15 Hinugis ni Hiram ang dalawang poste ng tanso, bawat isa ay labing walong kubit ang taas at labing dalawang kubit ang palibot. 16 Siya ay gumawa ng dalawang kapitel ng makintab na tanso para ilagay sa taas ng poste. Ang taas ng bawat kapitel ay limang siko. 17 May mga mahahaba't makitid na mga metal na nilmabat at mga tinirintas na mga tanikala para sa mga kapitel na ginawang mga palamuti sa taas ng mga haligi, pito sa bawat kapitel. 18 Kaya si Hiram ay gumawa ng dalawang hanay ng mga granada sa paligid ng bawat poste para palamutian ang kanilang mga kapitel. 19 Ang mga kapitel sa itaas ng poste ng portiko ay may palamuti ng mga liryo, apat na kubit ang taas. 20 Kasama din ang kapitel sa dalawang haligi, malapit sa kanilang tuktok, ay nakapalibot ang dalawang daang nakahanay na granada. 21 Kaniyang itinayo ang mga poste sa portiko ng templo. Ang poste sa kanan ay pinangalanang Jakin, at ang poste sa kaliwa ay Boaz. 22 Sa itaas ng mga haligi ay mga palamuti tulad ng mga liryo. Ang paghuhugis ng mga haligi ay natapos sa ganitong paraan. 23 Naghulma ng pabilog na dagat na bakal si Hiram, sampung kubit mula sa labi't labi. Ang taas nito ay limang kubit, at ang dagat ay tatlumpung kubit ang palibot na sukat. 24 Sa ilalim ng labi ay nakapalibot sa dagat ay bunga ng halamang gumagapang, sampu sa bawat kubit, hinulma lahat kasabay ng hinulmang dagat. 25 Ang dagat ay nakapatong sa labing dalawang hinulmang baka, tatlong nakaharap sa hilaga, tatlong nakaharap sa kanluran, tatlong nakaharap sa timog, at tatlong nakaharap sa silangan. Ang dagat ay nakapatong sa kanila, at ang lahat ng kanilang puwitan ay nakapwesto sa bandang loob. 26 Ang dagat ay kasing kapal ng isang kamay, at ang labi nito ay hinulma tulad ng labi ng isang tasa, tulad ng isang bulaklak na liryo. Ang dagat ay naglalaman ng dalawang libong bat na tubig. 27 Gumawa si Hiram ng sampung patungan na tanso. Bawat isang patungan ay apat na kubit ang haba at apat na kubit ang lapad, at tatlong kubit ang taas. 28 Ang pagkakagawa ng patungan ay tulad nito. Mayroon silang mga mahahabang tabla na nakatayo sa pagitan ng mga balangkas, 29 at sa mga tabla at mga balangkas ay mga leon, mga baka, at mga kerubin. Sa itaas at sa ibaba ng mga leon at mga baka ay mga koronang pinanday. 30 Ang bawat patungan ay may apat na tansong gulong at ehe, at ang apat na sulok nito ay may suporta sa ilalim para sa kawa. Ang mga suporta ay hinulma sa korona sa gilid ng bawat isa. 31 Ang bukana ay bilog tulad ng isang patungan, isang kubit at kalahating lawak, at nasa loob ng korona na nakaangat ang isang kubit. Sa bukana ay mga inukit na bagay, at ang kanilang mga tabla ay parisukat, hindi bilog. 32 Ang apat na gulong ay nakapailalam sa mga tabla, at ang mga ehe ng mga gulong at ang kanilang mga bahay ay nasa patungan. Ang taas ng isang gulong ay isa't kalahating kubit. 33 Ang mga gulong ay pinanday tulad ng mga gulong ng mga karwaheng pandigma. Ang kanilang bahay, mga gilid, mga rayos ng gulong at boha ay hinulmang bakal. 34 Mayroong apat na hawakan sa apat na sulok ng bawat tuntungan, ipinanday mismo sa tuntungan. 35 Sa itaas ng mga tuntungan ay may isang nakapalibot na tali na kalahating kubit ang lalim, at sa itaas ng tuntungan ang mga suporta nito at ang mga mahabang tabla nito ay nakakabit. 36 Sa ibabaw ng mga suporta at sa mga tabla si Hiram ay umukit ng mga kerubin, mga leon, at mga puno ng palma na nagtakip ng puwang, at sila ay napapalibutan ng mga korona. 37 Ginawa niya ang sampung patungan sa ganitong paraan. Ang lahat ng iyon ay hinulma sa iisang hulmahan, at mayroon silang isang sukat, at kaparehang hugis. 38 Si Hiram ay gumawa ng sampung hugasang tanso. Ang isang hugasan ay kayang humawak ng apatnapung bat na tubig. Bawat hugasan ay apat na mga kubit ang lapad, at mayroong isang hugasan sa bawat sampung mga patungan. 39 Gumawa siya ng limang mga patungan na nakaharap sa bahaging timog ng templo at lima sa hilagang bahagi ng templo. Nilagay niya ang dagat sa silangang sulok, nakaharap sa bahaging timog ng templo. 40 Ginawa ni Hiram ang mga hugasan at ang mga pala at patubigang mangkok. Pagkatapos kaniyang natapos ang lahat ng kaniyang ginawa para kay Haring Solomon sa templo ni Yahweh: 41 ang dalawang poste, at ang tulad-mangkok na mga kapitel na nasa itaas ng dalawang poste, at ang dalawang pangkat ng palamuting lambat para takpan ang dalawang tulad mangkok na mga kapitel na nasa itaas ng mga poste. 42 Ginawa niya ang apat na daang granada para sa dalawang pangkat ng palamuting nilambat: dalawang hanay ng granada para sa bawat pangkat ng palamuting nilambat para takpan ang dalawang tulad mangkok ng mga kapitel na nasa mga poste, 43 at ang sampung mga patungan, at ang sampung hugasan sa mga patungan. 44 Ginawa niya ang dagat at ang labing dalawang mga bakang nasa ilalim nito; 45 gayun din ang mga kaldero, mga pala, mga kawa, at lahat ng iba pang kasangkapan -- ang mga ito ay ginawa ni Hiram mula sa makintab na tanso, para kay Haring Solomon, para sa templo ni Yahweh. 46 Pinahulma ito ng Hari sa kapatagan ng Jordan, sa isang maputik na lupain sa pagitan ng Succoth at Sarthan. 47 Hindi tinimbang ni Solomon ang lahat ng mga kasangkapan dahil masyadong marami para timbangin, kaya ang timbang ng tanso ay hindi malalaman. 48 Pinagawa ni Solomon ang lahat ng kasangkapan na nasa loob ng templo ni Yahweh mula sa ginto: ang gintong dambana at ang lamesa kung saan ilalagay ang tinapay na handog. 49 Ang patungan ng ilaw, lima sa kanan at lima sa kaliwa, sa harap ng panloob na silid ay gawa sa purong ginto, at ang mga bulaklak, ang mga ilawan, at ang mga pang-ipit ay ginto. 50 Ang mga saro, ang panggupit ng ilawan, mga mangkok, mga kutsara, at mga pansindi ng insenso ay nilikha mula sa purong ginto. Gayundin ang mga bisagra ng pinto ng panloob na silid, na siyang kabanal-banalang lugar, at ang mga pintuan ng pangunahing bulwagan ng templo ay gawa din sa ginto. 51 Sa ganitong paraan, ang lahat ng gawain ni Haring Solomon sa tahanan ni Yahweh ay tapos na. Kaya ipinasok ni Solomon ang mga bagay na inihandog ni David, na kaniyang ama, kay Yahweh, at ang pilak, ang ginto, at ang mga kasangkapan, at nilagay ito sa bodega sa tahanan ni Yahweh.

Chapter 8

1 Pagkatapos ay tinipon ni Solomon ang mga nakatatanda ng Israel, ang lahat ng pinuno ng mga tribo, at mga pinuno ng mga pamilya ng bansang Israel, sa harap ng kaniyang sarili sa Jerusalem, upang dalhin ang arko ng tipan ni Yahweh mula sa lungsod ni David, na ang, Zion. 2 Ang lahat ng kalalakihan ng Israel ay nagtipon sa harapan ni Haring Solomon sa pista, sa buwan ng Etanim, ng ika-pitong buwan. 3 Ang lahat ng nakatatanda ng Israel ay dumating, at ang mga pari ang kumuha ng arko. 4 Dinala nila ang arko ni Yahweh, ang tolda ng pagpupulong, at lahat ng banal na kagamitan na nasa loob ng tolda. Ang mga pari at mga Levita ang dinala ang mga bagay na ito. 5 Si Haring Solomon at lahat ng kapulungan ng Israel ay magkakasamang dumating sa harap ng arko, naghahandog ng tupa at mga baka na hindi mabilang. 6 Dinala ng mga pari ang arko ng tipan ni Yahweh sa lugar nito, hanggang sa pinakaloob na silid ng tahanan, sa kabanal-banalang lugar, sa ilalim ng mga pakpak ng kerubin. 7 Sapagkat inunat ng kerubin ang kanilang mga pakpak sa lugar ng arko, at tinakpan nila ang arko at ang poste na pambuhat nito. 8 Ang mga poste ay sobrang haba na ang kanilang dulo ay nakita mula sa kabanal-banalang lugar sa harap ng pinakaloob na silid, pero hindi ito makikita mula sa labas. Sila ay nandoon hanggang sa araw na ito. 9 Ang arko ay walang laman maliban sa dalawang tapyas na bato na nilagay ni Moises dito sa Horeb, nang gumawa si Yahweh ng tipan sa mga Israelita noong makalabas sila sa lupain ng Ehipto. 10 Ito ang nangyari nang ang mga pari ay lumabas mula sa banal na lugar, napuno ng ulap ang templo ni Yahweh. 11 Hindi na kayang manatili ng mga pari para maglingkod dahil sa ulap, sapagkat ang kaluwalhatian ni Yahweh ang nagpuno sa kaniyang tahanan. 12 Pagkatapos ay sinabi ni Solomon, "sinabi ni Yahweh na siya ay mamumuhay sa makapal na kadiliman, 13 pero ako ay nagtayo ng matayog na tirahan, isang lugar para ikaw ay manirahan magpakailanman." 14 Pagkatapos humarap ang hari at pinagpala ang kapulungan ng Israel, habang ang kapulungan ng Israel ay nakatayo. 15 Kaniyang sinabi, "Nawa si Yahweh, ang Diyos ng Israel, ay mapapurihan, ang nangusap kay David, na aking ama, at nakapagtupad nito gamit ang kaniyang sariling mga kamay, na nagsabi, 16 'Simula nung araw na inalis ko ang aking bayan ng Israel mula sa Ehipto, ako ay walang napiling lungsod mula sa lahat ng mga tribo ng Israel para pagtayuan ng tahanan, para ang aking ngalan ay nandoon. Ganunpaman, pinili ko si David na mamuno sa aking bayan ng Israel.' 17 Ngayon nasa puso ng aking ama na si David na magtayo ng tahanan para sa ngalan ni Yahweh, ang na Diyos ng Israel. 18 Pero sinabi ni Yahweh kay David na aking ama, 'ninais ng iyong puso ang gumawa ng tahanan para sa aking pangalan, mabuti na ito ay nasa iyong puso. 19 Gayon pa man hindi mo itatayo ang tahanan, sa halip, ang iyong anak, ang ipapanganak mula sa iyong laman, ang magtatayo ng bahay para sa aking pangalan.' 20 Tinupad ni Yahweh ang salitang kaniyang sinabi, sapagkat ako ay nagmula sa lugar ni David, na aking ama, at ako ay umupo sa trono ng Israel, gaya ng pinangako ni Yahweh. Ako ay nagtayo ng tahanan para sa ngalan ni Yahweh, na Diyos ng Israel. 21 Naglaan ako ng isang lugar para sa arko doon, na kung saan naroon ang tipan ni Yahweh, na kaniyang pinangako sa ating mga ama nang kaniyang inilabas sila mula sa Ehipto." 22 Tumayo si Solomon sa harap ng altar ni Yahweh, sa harap ang kapulungan ng Israel, at nag-unat ng kaniyang mga kamay sa kalangitan. 23 Kaniyang sinabi, "Yahweh, na Diyos ng Israel, walang diyos ang gaya mo sa itaas ng kalangitaan o sa kailaliman ng mundo, na tumupad ng kaniyang katapatan sa tipan sa iyong mga lingkod na naglalakad kasama mo ng kanilang buong puso; 24 ikaw na tumupad sa iyong lingkod na si David, na aking ama, ng mga pangako mo sa kaniya. Oo, nangusap ka gamit ang iyong bibig at tinupad ito gamit ang iyong kamay, tulad ng sa ngayon. 25 Kaya ngayon, Yahweh, Diyos ng Israel, isagawa mo ang iyong ipinangako sa iyong lingkod na si David, na aking ama, noong iyong sinabi, "Hindi ka magkulang na magkaroon ng isang lalaki sa paningin ko na uupo sa trono ng Israel, kung ang iyong kaapu-apuhan ay maingat lamang na lalakad sa aking harapan, gaya ng iyong paglakad sa aking harapan.' 26 Kaya ngayon, Diyos ng Israel, pinapanalangin ko na ang ipinangako mo sa iyong lingkod na si David, aking ama, ay magkatotoo. 27 Ngunit ang Diyos ba ay talagang maninirahan sa mundo? Masdan ito, ang buong sansinukob at kalangitan mismo ay hindi ka kayang ilulan -- paano pa kaya ang templo na aking tinayo! 28 Gayon pa man, pakiusap ay ituring mo ang panalanging ito ng iyong lingkod at ang kaniyang hiling, Yahweh aking Diyos; makinig ka sa iyak at panalangin ng iyong lingkod na nananalangin sa harapan mo ngayon. 29 Nawa ang iyong mga mata ay nakatuon patungo sa templong ito sa gabi at araw, sa lugar kung saan ay sinabi mo, 'ang Aking pangalan at aking prisensya ay nandoon' -- para marining ang panalangin na ipagdarasal ng iyong lingkod sa lugar na ito. 30 Kaya makinig ka sa hiling ng iyong lingkod at ng iyong bayan ng Israel kapag nanalangin kami sa lugar na ito. Oo, makinig ka mula sa lugar kung saan ka nakatira, mula sa mga kalangitan; at kapag ika'y nakinig, ikaw ay magpatawad. 31 Kung may taong nagkasala sa kaniyang kapit-bahay at kailangang manumpa, at kung siya ay dumating at sumumpa sa harap ng iyong dambana sa tahanang ito, 32 makinig ka mula sa kalangitan at kumilos at hatulan ang iyong mga lingkod, hatulan ang masasama, para ibalik ang kaniyang asal sa sarili niyang ulo. At ipahayag na ang matuwid ay walang kasalanan, para mabigyan siya ng karangalan para sa kaniyang katuwiran. 33 Kapag ang iyong bayang Israel ay natalo ng kaaway dahil sila ay nagkasala laban sa iyo, kapag nanumbalik sila sa iyo pinapahayag ang iyong pangalan, manalangin at humiling ng kapatawaran sa iyo sa templong ito -- 34 kung ganun ay pakiusap makinig ka mula sa kalangitan at patawarin ang kasalanan ng iyong bayang Israel; ibalik mo sila mula sa lupain na iyong binigay sa kanilang mga ninuno. 35 Kapag tahimik ang kalangitan at walang ulan dahil ang bayan ay nagkasala laban sa iyo -- kung sila ay nanalangin sa lugar na ito, ipahayag nila ang iyong pangalan, at tumalikod sa kanilang kasalanan kapag napahirapan mo sila -- 36 makinig ka sa kalangitan at patawarin ang kasalanan ng iyong mga lingkod at ng iyong bayan ng Israel, kung iyong ituturo sa kanila ang tamang bagay kung saan sila dapat lumakad. Magpadala ka ng ulan sa iyong lupain, kung saan mo ibinigay sa iyong bayan bilang pamana. 37 Ipagpalagay na mayroon taggutom sa lupain, o ipagpalagay na mayroon sakit, pagkalanta o pagkabulok, mga balang o mga uod; o ipalagay na ang tarangkahan ng lungsod sa kanilang lupain ay sinugod ng kaaway, o mayroong kahit anong salot o pagkakasakit -- 38 ipagpalagay na ang mga panalangin at mga kahilingang ay gawin ng isang tao o ng iyong bayan na Israel -- bawat isa ay nalalaman ang salot sa kaniyang sariling puso habang inuunat niya ang kaniyang mga kamay sa templong ito. 39 Pagkatapos ay makinig ka mula sa kalangitan, ang lugar kung saan ka naninirahan, magpatawad at kumilos, at bigyan ng gantimpala ang bawat tao sa kaniyang ginagawa; alam mo ang kaniyang puso, dahil ikaw at ikaw lamang ang nakakaalam ng puso ng lahat ng tao. 40 Gawin mo ito para sila ay matakot sa iyo sa lahat ng araw na sila ay mabubuhay sa lupain na ibinigay mo sa aming mga ninuno. 41 Karagdagan dito, tungkol sa dayuhan na hindi nabibilang sa iyong bayan ng Israel: kapag siya ay nanggaling mula sa malayong bansa dahil sa iyong pangalan -- 42 sapagkat maririnig nila ang iyong dakilang pangalan, ang iyong makapangyarihang kamay, at iyong nakataas na kamay -- kapag siya ay dumating at nanalangin sa templong ito, 43 pakiusap na makinig ka mula sa kalangitan, ang lugar kung saan ka naninirahan, at gawin mo ang kahit anong hingin sa iyo ng dayuhan. Gawin mo iyon para ang mga grupo ng tao sa mundo ay malaman ang iyong pangalan at matakot sa iyo, gaya ng iyong sariling bayan ng Israel. Gawin mo ito para malaman nila na ang tahanang ito na aking binuo ay tinawag sa iyong pangalan. 44 Ipagpalagay na ang iyong bayan ay makikipaglaban sa kaaway, sa kahit anong paraan mo sila ipapadala, at ipagpalagay na sila ay mananalangin sa iyo, Yahweh, sa lungsod na iyong pinili sa tahanang aking itinayo sa ngalan mo. 45 Kung ganoon makinig ka sa kalangitan sa kanilang mga panalangin, kanilang kahilingan, at tulungan mo sila sa kanilang pinaglalaban. 46 Ipagpalagay na sila ay nagkasala laban sa iyo, yamang walang sinuman ang hindi nagkakasala, at ipagpalagay na ikaw ay galit sa kanila at ibinigay sila sa mga kaaway upang dalhin silang bihag sa kanilang lupain, maging malayo o malapit. 47 At ipagpalagay na kanilang napagtanto na sila ay nasa lugar kung saan sila ipinatapon, at ipagpalagay na sila ay nagsisi at humanap ng pabor sa iyo mula sa lupain ng mga humuli sa kanila. Ipagpalagay na kanilang sinabi, 'Kami ay kumilos ng hindi tama at nagkasala. Kami ay nag-asal ng masama.' 48 Ipagpalagay na sila ay bumalik sa iyo nang kanilang buong puso at nang kanilang buong kaluluwa sa lupain ng kanilang mga kaaway na humili sa kanila, at ipagpalagay na sila ay nanalangin sa iyo sa gawing kanilang lupain, kung saan ay ibinigay mo sa kanilang mga ninuno, at tungo sa lungsod na iyong pinili, at tungo sa tahanan na aking itinayo para sa ngalan mo. 49 Kung gayon ay makinig ka sa kanilang mga panalangin, kanilang mga hiling sa kalangitan, ang lugar kung saan ka nakatira, at tulungan sila sa kanilang pinaglalaban. 50 Patawarin ang iyong bayan, na nagkasala laban sa iyo, at lahat ng kanilang mga kasalanan kung saan ay sumuway laban sa iyong mga utos. Kahabagan sila sa harap ng kanilang mga kaaway na bumihag sa kanila, para ang kanilang mga kaaway ay magkaroon din ng habag sa iyong bayan. 51 Sila ang iyong bayan na iyong pinili, na sinagip mo palabas ng Ehipto na parang nasa gitna ng pugon kung saan ang bakal ay pinanday. 52 Panalangin ko na ang iyong mga mata ay mabuksan sa mga hiling ng iyong bayan ng Israel, na makinig ka sa kanila sa tuwing sila'y tumatawag sa iyo. 53 Sapagkat hiniwalay mo sila sa lahat ng mga tao sa mundo upang mapabilang sa iyo at makatanggap ng iyong mga pangako, tulad ng paliwanag ni Moises na iyong lingkod, nang iyong inilabas ang aming mga ama mula sa Ehipto, Panginoong Yahweh." 54 Kaya nang matapos ipanalangin ni Solomon ang lahat ng panalanging ito at kahilingan kay Yahweh, siya ay tumayo mula sa harap ng altar ni Yahweh, mula sa pagkakaluhod habang ang kaniyang kamay ay nakaunat sa kalangitan. 55 Siya ay tumayo at pinagpala ang lahat ng kapulungan ng Israel na may malakas na boses na sinasabi, 56 "Nawa si Yahweh ay mapapurihan, na nagbigay ng kapahingahan sa kaniyang bayang Israel, na tumutupad ng lahat ng kaniyang mga pangako. Wala ni isang salita ang nabigo sa lahat ng mabuting pangako ni Yahweh na ginawa niya kay Moises na kaniyang lingkod. 57 Nawa si Yahweh na ating Diyos ay makasama natin, gaya kung paano siya ay nasa ating mga ninuno. 58 Nawa hindi niya tayo iwan o pabayaan, na maaari niyang ibaling ang ating puso sa kaniya, para mamuhay sa lahat ng kaniyang paraan at ingatan ang kaniyang mga kautusan at ang kaniyang mga tuntunin at kaniyang mga batas, na kaniyang inutos sa ating mga ama. 59 At hayaan ang mga salitang aking sinabi, na aking hiniling sa harap ni Yahweh, ay mapalapit kay Yahweh ating Diyos umaga at gabi, para maaari siyang makatulong sa pinaglalaban ng kaniyang lingkod at kaniyang bayan ng Israel, na kailangan araw-araw; 60 na ang lahat ng tao dito sa mundo ay malaman na si Yahweh, siya ay Diyos at wala ng iba pang Diyos! 61 Kung gayon, hayaang ang iyong puso na maging totoo kay Yahweh ating Diyos, para lumakad sa kaniyang alituntunin at pagkaingatan ang kaniyang mga kautusan, mula sa araw na ito. 62 Kaya ang hari at lahat ng Israelitang kasama niya ay naghandog ng mga alay kay Yahweh. 63 Si Solomon ay naghandog ng alay para sa pagtitipon, na ginawa niya para kay Yahweh: dalawampu't dalawang libong baka at 120, 000 tupa. Kaya ang hari at mga Israelita ay inialay ang tahanan ni Yahweh. 64 Sa araw ding iyon itinalaga ng hari ang gitna ng patyo na nasa harap ng templo ni Yahweh, doon niya inialay ang mga sinunog na handog, ang handog ng butil, at ang taba ng handog para sa pagtitipon-tipon, dahil ang altar na tanso na nasa harapan ni Yahweh ay napakaliit para tanggapin ang pag-aalay ng sinunog na handog, handog ng butil at ang taba ng handog ng pagtitipon-tipon. 65 Kaya si Solomon ang nagdaos ng handaan sa oras na iyon, at lahat ng Israelita ay kasama niya, isang malaking kapulungan, mula Lebo Hamat hanggang sa batis ng Ehipto, sa harap ni Yahweh ating Diyos sa loob ng pitong araw at sa pito pang araw, sa kabuuan ng labing apat na mga araw. 66 Sa ika-walong araw, pinauwi niya ang mga tao, at kanilang pinagpala ang hari at umuwi sila sa kanilang tahanan ng may kagalakan at masayang mga puso dahil sa lahat ng kabutihan na pinakita ni Yahweh kay David, na kaniyang lingkod, at sa Israel, na kaniyang bayan.

Chapter 9

1 Pagkatapos maitayo ni Solomon ang templo ni Yahweh at ang palasyo ng hari, at pagkatapos niyang magawa ang lahat ng ninais niyang gawin, 2 nangyaring nagpakita muli si Yahweh kay Solomon sa ikalawang pagkakataon, kagaya ng pagpapakita sa kaniya sa Gabaon. 3 At sinabi sa kaniya ni Yahweh, "Narinig ko ang iyong panalangin at ang iyong kahilingan sa akin. Itinalaga ko ang templong ito, na iyong itinayo, para sa akin, para doon ko ilagay ang aking pangalan magpakailanman, at ang aking mga mata at ang aking puso ay mananatili doon sa lahat ng panahon. 4 Para naman sa iyo, kung ikaw ay lalakad sa harapan ko gaya ng ama mong si David na lumakad ng may matapat na puso at sa pagiging matuwid, at kung susundin mo ang lahat na iniutos ko at iniingatan ang aking mga kautusan at aking mga tuntunin, 5 itatatag ko ang trono ng iyong kaharian sa buong Israel magpakailanman, gaya nang ipinangako ko sa iyong amang si David, na sinasabing, 'Isa sa iyong lahi ay hindi kailaman mabibigong lumuklok sa trono ng Israel.' 6 Pero kung kayo ay tatalikod, ikaw at ang at iyong mga anak, at hindi iingatan ang aking mga kautusan na aking inilagay sa harapan ninyo, at kung pupunta at sasamba kayo sa ibang mga diyos at yuyukod sa kanila, 7 kung gayon ay palalayasin ko ang Israel mula sa lupain na ibinigay ko sa kanila; at ang templong ito na inilaan ko para sa aking pangalan--iwawaksi ko ito sa aking paningin. At ang pangalang "Israel" ay magiging para na lamang isang kawikaan at isang katatawanan sa lahat ng mga tao. 8 At kahit na ang templong ito ay napakatayog ngayon, bawat isang mapapadaan dito ay mangingilabot at susutsot. Sasabihin nila, " Bakit nagawa ni Yahweh ang ganito sa lupain at sa templong ito? 9 Sasagot ang iba, "dahil tinalikuran nila si Yahweh, na kanilang Diyos, na siyang naglabas sa kanilang mga ninuno sa lupain ng Ehipto, at pinaglingkuran nila ang ibang mga diyos at yumukod sila sa mga ito at sumamba sila sa kanila. Iyon ang dahilan kung bakit dinala ni Yahweh ang lahat ng mga sakunang ito sa kanila."" 10 At5 nangyari sa pagsapit ng katapusan ng dalawampung taon, natapos ni Solomon ang pagpapatayo ng dalawang gusali, ang templo ni Yahweh at ang palasyo ng hari. 11 Si Hiram, ang hari ng Tiro, ay nagbigay kay Solomon ng mga kahoy na sedar, mga kahoy na pino, at ginto, lahat ng hinangad ni Solomon. Kaya binigyan ni Haring Solomon si Hiram ng dalawampung lungsod sa lupain ng Galilea. 12 Lumabas si Hiram mula sa Tiro para tingnan ang mga lungsod na ibinigay sa kaniya ni Solomon, pero hindi siya nasiyahan sa mga iyon. 13 Kaya sinabi ni Hiram, "Ano ba itong mga lungsod na ibinigay mo sa akin, aking kapatid?" Kaya tinawag ni Hiram ang mga iyon na Lupain ng Cabul, kung saan ganoon pa rin ang tawag sa kanila hanggang ngayon. 14 Nagpadala si Hiram sa hari ng 120 talentong ginto. 15 Ang sumusunod ay ang dahilan na ipinataw ni Haring Solomon na magtrabaho ang mga tao: upang itayo ang templo ni Yahweh at ang kaniyang sariling palasyo, upang itayo ang Millo at ang pader ng Jerusalem, at upang itayo ang mga tanggulan ng Hazor, Megido, at Gezer. 16 Ang haring Paraon ng Ehipto ay nagpunta at sinakop ang Gezer, sinunog niya ito, at pinatay ang mga taga Canaan sa loob ng lungsod. Pagkatapos ay ibinigay ng Paraon ang lungsod sa kaniyang anak na babae, na asawa ni Solomon, bilang regalo sa kanilang kasal. 17 Kaya muling itinayo ni Solomon ang Gezer at Beth-Horon sa bandang Ibaba, 18 ang Baalat at Tadmor sa ilang sa lupain ng Juda, 19 at sa lahat ng mga imbakang lungsod na pag-aari niya, at mga lungsod para sa kaniyang mga karwahe at mga lungsod para sa kaniyang mangangabayo, at anumang mga hinangad niyang itayo para sa kanyang kasiyahan sa Jerusalem, sa Lebanon, at sa lahat ng mga lupain na nasa ilalim ng kaniyang pamumuno. 20 Sa lahat ng mga tao na natira sa mga Amoreo, sa mga Heteo, Perezeo, Hivita at Jebuseo, na hindi kabilang sa bayan ng Israel, 21 ang kanilang mga kaapu-apuhan na naiwan nila sa lupain, mga taong hindi lubusang napuksa ng mga mamamayan ng Israel-- ginawa sila ni Solomon bilang mga sapilitang manggagawa, kung saan ganoon pa rin sila hanggang sa araw na ito. 22 Gayon man, hindi ginawang mga sapilitang manggagawa ang mga Israelita. Sa halip, naging mga sundalo sila at kaniyang mga lingkod, at kaniyang mga opisyales at kaniyang mga pinuno at mga pinuno ng kaniyang hukbo ng karwahe at kaniyang mga mangangabayo. 23 Ito ang mga pangunahing pinuno na namahala sa mga tagapangsiwa ng mga gawain ni Solomon, 550 katao, na nangasiwa sa mga taong gumawa ng gawain. 24 Lumipat ang anak na babae ng Paraon mula sa lungsod ni David patungo sa bahay na itinayo ni Solomon para sa kanya. Kinalaunan, itinayo ni Solomon ang Millo. 25 Tatlong beses sa isang taon na nag- aalay si Solomon ng mga handog na susunugin at mga handog pangkapayapaan sa altar na itinayo niya para kay Yahweh, nagsusunog ng insenso kasama nito sa altar sa harap ni Yahweh. Kaya tinapos niya ang templo at ginagamit na ito ngayon. 26 Nagpagawa si Solomon ng malaking grupo ng mga barko sa Ezion-Geber, kung saan malapit sa Elat, na nasa dalampasigan ng Dagat na pula, sa lupain ng Edom. 27 Pinadalhan ni Hiram ang mga grupo ng barko ni Solomon ng mga tauhan, mga bihasang mandaragat, kasama ang mga sariling tauhan ni Solomon. 28 Pumunta sila sa Ofir kasama ang mga tauhan ni Solomon. Mula roon ay nag-uwi sila ng 420 talentong ginto para kay Haring Solomon.

Chapter 10

1 Nang mabalitaan ng reyna ng Seba ang katanyagan ni Solomon tungkol sa pangalan ni Yahweh, pumunta siya para subukin si Solomon sa pamamagitan ng mga mahihirap na tanong. 2 Dumating siya sa Jerusalem kasama ang isang napakahabang karawan, mga kamelyo na punong-puno ng mga pabango, maraming ginto, at maraming mga mamahaling bato. Nang siya ay dumating, sinabi niya kay Solomon lahat ng nasa loob ng kaniyang puso. 3 Sinagot ni Solomon lahat ng kaniyang mga katanungan. Wala ni isa man na kaniyang mga tanong ang hindi sinagot ng hari. 4 Nang makita ng reyna ng Seba ang lahat ng karunungan ni Solomon, ang palasyo na kaniyang itinayo, 5 ang pagkain sa kaniyang hapag-kainan at mga tirahan ng kaniyang mga lingkod at kanilang mga gawain at kanilang mga kasuotan, at saka mga taga-silbi niya ng inumin at ang paraan kung paano siya nag-alay ng mga handog na susunugin sa templo ni Yahweh, wala ng espiritu sa kaniya. 6 Sinabi niya sa hari, "Totoo nga, ang balita na aking narinig sa sarili kong lupain tungkol sa iyong mga salita at iyong karunungan. 7 Hindi ko mapaniwalaan ang aking narinig hanggang sa dumating ako rito, at ngayon ay nakita ito ng aking mga mata. Wala pa pala sa kalahati ang nasabi sa akin tungkol sa iyong karunungan at kayamanan! Nahigitan mo ang katanyagan na aking nabalitaan. 8 Pinagpala ang iyong bayan, at pinagpala ang iyong mga lingkod na palaging nasa iyong harapan, dahil naririnig nila ang iyong karunungan. 9 Nawa ay purihin si Yahweh ang inyong Diyos, na nalulugod sa iyo, na siyang naglagay sa iyo sa trono ng Israel. Dahil walang hanggang minahal ni Yahweh ang Israel, ginawa ka niyang hari, para gumawa ka ng katarungan at katuwiran. 10 Binigyan niya ang hari ng 120 talentong ginto at malaking halaga ng mga pabango at mga mamahaling mga bato. Wala nang mas higit pang halaga ng mga pabango tulad nitong mga ibinigay ng reyna ng Seba kay Haring Solomon ay kailanman naibigay pa muli sa kaniya. 11 Ang mga barko ni Hiram, na nagdala ng ginto mula sa Ofir, ay nagdala rin mula sa Ofir ng napakaraming kahoy na algum at mga mamahaling bato. 12 Gumawa ang hari ng mga haligi gamit ang kahoy na algum para sa templo ni Yahweh at para sa palasyo ng hari, at mga alpa at mga lira para sa mga mang-aawit. Wala nang mas madami pang bilang ng kahoy na algum ang dumating o nakita pa muli hanggang sa araw na ito. 13 Ibinigay lahat ni Haring Solomon ang lahat ng maibigan ng reyna ng Seba, anuman ang hiniling niya, karagdagan sa mga ibinigay ni Solomon ayon sa kaniyang maharlikang kabutihang-loob. Kaya bumalik siya sa kaniyang sariling lupain kasama ang kaniyang mga lingkod. 14 Ngayon ang timbang ng ginto na dumating kay Solomon sa loob ng isang taon ay 666 talento ng ginto, 15 bukod sa mga ginto na dinala ng mga mangangalakal at mga negosyante. Lahat ng mga hari na taga-Arabia at mga gobernador sa bansa ay nagdala rin ng ginto at pilak kay Solomon. 16 Si Solomon ay nagpagawa ng dalawang-daang malalaking kalasag na binalutan ng ginto. Anim na raang siklo ng ginto ang napunta sa bawat isa. 17 Nagpagawa rin siya ng tatlong-daang kalasag na binalutan ng ginto. Tatlong mina ng ginto ang napunta sa bawat kalasag; inilagay ang mga ito ng hari sa loob ng Palasyo ng Kagubatan ng Lebanon. 18 Pagkatapos ay nagpagawa ang hari ng isang malaking trono na gawa sa garing at nilatagan ito ng pinakamataas na uri ng ginto. 19 May anim na baytang papunta sa trono, at ang likod nito ay may pabilog na tuktok. May mga dantayan ng bisig sa magkabilang gilid ng upuan, at dalawang leon ang nakatayo sa tabi ng mga dantayan. 20 Labingdalawang leon ang nakatayo sa mga baytang, isa sa bawat magkabilang gilid sa bawat anim na baytang. Walang anumang trono kagaya nito sa alinmang kaharian. 21 Lahat ng iniinumang tasa ni Haring Solomon ay ginto, at lahat ng mga iniinumang tasa sa Palasyo ng Kagubatan ng Lebanon ay purong ginto. Walang pilak, dahil ang pilak ay hindi itinuturing na mahalaga noong panahon ni Solomon. 22 Ang hari ay may mga grupo ng barko sa dagat na pumapalaot sa karagatan, kasama ang mga barko ni Hiram. Isang beses sa bawat tatlong taon ang mga barko ay nagdadala ng ginto, pilak, garing, gayundin ng mga bakulaw at mga malalaking unggoy.. 23 Kaya nahigitan ni Haring Solomon ang lahat ng hari sa mundo sa kayamanan at karunungan. 24 Sinadya ng buong mundo ang presensiya ni Solomon para mapakinggan ang kaniyang karunungan, na inilagay ng Diyos sa kaniyang puso. 25 Ang mga bumisita sa kaniya ay nagdala ng pagpaparangal, mga sisidlang gawa sa pilak at gawa sa ginto, mga damit, mga armas, pampalasa, gayundin ng mga kabayo at mga asno, taon taon. 26 Sama-samang tinipon ni Solomon ang mga karwahe at mga mangangabayo. Mayroon siyang 1, 400 na mga karwahe at labing dalawang libong mangangabayo na inihimpil niya sa mga lungsod ng mga karwahe at sa kaniyang sarili sa Jerusalem. 27 Napakaraming pilak ang hari sa Jerusalem, kasing dami ng mga bato sa lupa. Ginawa niyang sagana ang mga kahoy na cedar gaya ng mga punong sikamoreng igos na nasa mabababang lupain. 28 Nagmamay-ari si Solomon ng mga kabayo na nanggaling sa Ehipto at Cilicia. Ang mga mangangalakal ng hari ay binili ang mga iyon sa kawan, bawat isang kawan ay may halaga. 29 Ang mga karwahe ay binili sa labas ng Ehipto sa halagang animnaraang siklo ng pilak bawat isa, at mga kabayo ng 150 siklo bawat isa. Pagkatapos karamihan sa mga ito ay ipinagbili sa lahat ng mga hari ng mga Heteo at Arameo.

Chapter 11

1 Ngayon nagmahal si Solomon ng maraming dayuhang babae: ang anak na babae ng Paraon, mga babaeng Moabita, Ammonita, Edomita, Sidomita at mga babaeng Heteo-- 2 mga bansang nauukol kung saan sinabi ni Yahweh sa bansang Israel, "Huwag kayong pupunta sa kanila para mag-asawa o ni isa sa kanila ay pupunta sa inyo, dahil tiyak na ibabaling nila ang inyong puso sa kanilang mga diyos." Pero minahal ni Solomon ang mga babaeng ito. 3 Nagkaroon si Solomon ng pitong-daang maharlikang asawa at tatlong-daang iba pang kinakasama. Inilayo ng kaniyang mga asawa ang kaniyang puso. 4 Dahil noong tumanda si Solomon, iniligaw ng kaniyang mga asawa ang kaniyang puso sa ibang diyos; ang kaniyang puso ay hindi niya lubos na isinuko kay Yahweh na kaniyang Diyos, gaya ng kaniyang amang si David. 5 Sinunod ni Solomon si Astarte, ang diyosa ng mga Sidonio, at sumunod siya kay Milcom, ang kasuklam-suklam na diyus-diyosan ng mga Amonita. 6 Gumawa si Solomon ng kasamaan sa paningin ni Yahweh; hindi siya lubusang sumunod kay Yahweh, tulad nang nagawa ng kaniyang amang si David. 7 Pagkatapos nagpatayo si Solomon ng isang dambana para kay Cemos, ang kasuklam-suklam na diyus-diyosan ng Moab, sa burol na nasa silangan ng Jerusalem, at para din kay Molec, ang kasuklam-suklam na diyus-diyosan ng mga Ammonita. 8 Nagtayo rin siya ng mga dambana para sa lahat ng kaniyang mga dayuhang asawa, na nagsunog ng mga insenso at nag-alay para sa kanilang mga diyos.. 9 Nagalit si Yahweh kay Solomon, dahil tumalikod ang kaniyang puso sa kaniya, na Diyos ng Israel, kahit na nagpakita sa kaniya ng dalawang ulit 10 at nag-utos sa kaniya tungkol sa mismong bagay na ito, na hindi siya dapat maglingkod sa ibang diyos. Subalit hindi sinunod ni Solomon kung ano ang inutos ni Yahweh. 11 Kaya sinabi ni Yahweh kay Solomon, "Dahil nagawa mo ito at hindi mo sinunod ang aking tipan at aking mga alituntunin na inutos ko sa iyo, tiyak na pipilasin ko ang kaharian mula sa iyo at ibibigay ko ito sa iyong lingkod. 12 Subalit, alang-alang sa iyong amang si David, hindi ko ito gagawin habang ikaw ay nabubuhay, pero sisirain ko ito sa kamay ng iyong anak na lalaki. 13 Gayon man, hindi ko sisirain ang buong kaharian; Ibibigay ko ang isang lipi sa iyong anak alang-alang sa aking lingkod na si David, at para sa kapakanan ng Jerusalem, na aking pinili." 14 Pagkatapos ay nagtayo si Yahweh ng kakalaban kay Solomon, si Hadad na Idumeo. Siya ay nagmula sa maharlikang angkan ng Edom. 15 Noong si David ay nasa Edom, si Joab na pinuno ng mga kawal ay nagpunta para ilibing ang mga patay, bawat taong napatay sa Edom. 16 Si Joab at ang buong Israel ay nanatili doon ng anim na buwan hanggang sa mapatay niya ang bawat kalalakihan sa Edom. 17 Ngunit si Hadad ay dinala ng mga lingkod ng kaniyang ama sa Ehipto kasama ng iba pang mga Idumeo, dahil si Hadad ay isa pa lamang maliit na bata. 18 Umalis sila sa Midian at nagpunta sa Paran, mula kung saan kasama nilang dinala ang mga kalalakihan patungo sa Ehipto, sa Paraon na hari ng Ehipto, na nagbigay sa kaniya ng isang bahay, lupa at pagkain. 19 Nalugod ang Paraon kay Hadad kaya binigyan siya ng Paraon ng asawa, ang kapatid ng sarili niyang asawa, ang kapatid na babae ng reyna na si Tapenes. 20 Isinilang ng kapatid ni Tapenes ang anak na lalaki ni Hadad; Pinangalanan nila siyang Genubat; Siya ay pinalaki ni Tapenes sa palasyo ng Paraon. Kaya namuhay si Genubat sa palasyo ng Paraon kasama ang mga anak ng Paraon. 21 Noong mabalitaan ni Hadad na tulog na si David kasama ang kaniyang mga ninuno, at si Joab na pinuno ng hukbo ay patay na, sinabi ni Hadad sa Paraon, "Pahintulutan mo akong umalis para pumunta sa aking sariling bansa." 22 At sinabi sa kaniya ng Paraon, "Pero ano pa ang kulang mo sa akin na gustuhin mo pang bumalik sa iyong sariling bansa?" Sumagot si Hadad, "Wala, hayaan mo lang akong umalis." 23 Nagtayo muli ang Diyos ng isa pang katunggali kay Solomon, si Rezon na anak na lalaki ni Eliada, na tumakas mula sa kaniyang panginoon na si Hadadezer, hari ng Zoba. 24 Nagtipon si Rezon ng mga kalalakihan at naging kapitan ng isang maliit na puwersa, noong tinalo ni David ang mga kalalakihan ng Zoba. Nagpunta ang mga tauhan ni Zoba sa Damasco at nanirahan doon, at napailalim kay Rezon ang Damasco. 25 Siya ay naging kaaway ng Israel sa lahat ng panahon ng paghahari ni Solomon, kasama ng mga kaguluhan na idinulot ni Hadad. Kinasuklaman ni Rezon ang Israel at naghari siya sa Aram. 26 At si Jeroboam na anak na lalaki ni Nebat, isang Efraimita na taga Sereda, isang opisyal ni Solomon, na ang pangalan ng kaniyang ina ay Serua, isang babaeng balo, ay nagtaas din ng kaniyang kamay laban sa hari. 27 Ang dahilan kung bakit nagrebelde siya laban sa hari ay dahil itinayo ni Solomon ang Millo at inayos ang lagusan ng pader sa lungsod ni David na kaniyang ama. 28 Si Jeroboam ay isang lalaking malakas at matapang. Nakita ni Solomon ang binata na masipag, kaya ibinigay sa kaniya ang pamamahala sa lahat ng gawain sa tahanan ni Jose. 29 Sa panahong iyon, nang lumabas si Jeroboam sa Jerusalem, natagpuan siya ni propetang Ahias sa daan. Ngayon nagbihis si Ahias ng bagong kasuotan, at ang dalawang lalaki ang tanging nasa bukid. 30 Pagkatapos ay dinakma ni Ahias ang bagong kasuotan na nasa kaniya, at pinunit ito ng labing-dalawang piraso. 31 Sinabi niya kay Jeroboam, "kumuha ka ng sampung piraso, dahil si Yahweh na Diyos ng Israel, sinasabi niya, 'Pagmasdan mo, pipilasin ko ang kaharian at aalisin sa kamay ni Solomon, at ibibigay ko ang sampung lipi sa iyo 32 (subalit magkakaroon si Solomon ng isang lipi, alang-alang sa lingkod kong si David at alang-alang sa Jerusalem, ang lungsod na aking pinili mula sa lahat ng lipi ng Israel), 33 dahil iniwanan nila ako at sinamba nila si Astarte, ang babaeng diyus-diyosan ng mga Sidonita, kay Cemos ang diyos ng mga Moabita, at kay Milcom ang diyos ng mga mamamayan ng mga Ammonita. Hindi sila lumakad ayon sa aking kaparaanan, para gawin ang mabuti sa aking paningin, at para sundin ang aking mga utos at mga tuntunin gaya ng ginawa ng kaniyang ama na si David. 34 Ngunit, hindi ko aalisin ang buong kaharian sa kamay ni Solomon. Sa halip, gagawin ko siyang hari sa lahat ng araw ng kaniyang buhay, alang-alang sa aking lingkod na si David na aking pinili, na siyang nag-ingat sa aking mga kautusan at mga tuntunin. 35 Ngunit kukunin ko ang kaharian mula sa kamay ng kaniyang anak, at ibibigay ko ito sa iyo, ang sampung mga lipi. 36 Ibibigay ko ang isang lipi sa anak na lalaki ni Solomon, para ang aking lingkod na si David ay magkakaroon lagi ng ilaw sa harapan ko sa Jerusalem, ang lungsod kung saan pinili kong ilagay ang aking pangalan. 37 Kukunin kita, at ikaw ay mamumuno at tutupad sa lahat ng hangarin mo, at ikaw ay magiging hari ng buong Israel. 38 Kung pakikinggan mo ang lahat na aking ipag-uutos sa iyo, at kung lalakad ka sa aking mga landas, at kung gagawin mo kung ano ang mabuti sa aking paningin, para ingatan ang mga tuntunin at mga kautusan, gaya ng ginawa ng aking lingkod na si David, sa gayon ay sasamahan kita at ipagtatayo kita ng totoong tahanan, gaya ng itinayo ko para kay David, at ang Israel ay ibibigay ko sa iyo. 39 Paparusahan ko ang mga kaapu-apuhan ni David, pero hindi habang panahon." 40 Kaya pinagsikapang patayin ni Solomon si Jeroboam, ngunit tumindig si Jeroboam at tumakas papuntang Ehipto, kay Shishak, hari ng Ehipto, at nanatili siya sa Ehipto hanggang sa pagkamatay ni Solomon. 41 Para sa ibang mga bagay tungkol kay Solomon, lahat ng kaniyang mga ginawa at ang kaniyang karunungan, hindi ba nakasulat ang mga ito sa Aklat ng mga Kaganapan sa Buhay ni Solomon? 42 Naghari si Solomon sa buong Israel sa loob ng apatnapung taon. 43 Natulog siya kasama ang kaniyang mga ninuno, at inilibing siya sa lungsod ng kaniyang amang si David. Ang kaniyang anak na lalaki na si Rehoboam ang humalili sa kaniya bilang hari.

Chapter 12

1 Nagpunta si Rehoboam sa Shekem, dahil ang buong Israel ay darating sa Shekem para gawin siyang hari. 2 Ito ay nangyari nang marinig ito ni Jeroboam anak ni Nebat (dahil siya ay nasa Ehipto pa, kung saan siya ay tumakas mula sa kinaroroonan ni Haring Solomon; Si Jeroboam ay nanirahan sa Ehipto). 3 Kaya siya ay isinugo at tinawag nila, at dumating si Jeroboam at buong kapulungan ng Israel; sila ay nagsalita kay Rehoboam at sinabi, "ginawang mahirap ng iyong ama ang aming pasanin. 4 Ngayon, gawin mong madali ang mahirap na trabahong ibinigay ng iyong ama, at pagaanin mo ang mabigat na pasanin na inilagay niya sa amin, at paglilingkuran ka namin." 5 Sinabi ni Rehoboam sa kanila, "Umalis kayo ng tatlong araw; pagkatapos bumalik kayo sa akin." Kaya umalis ang mga tao. 6 Sumangguni si Haring Rehoboam sa mga matatandang lalaki na tumayo sa harapan ni Solomon na kaniyang ama habang siya ay nabubuhay; sinabi niya, "Paano ninyo ako papayuhan upang sagutin ang mga taong ito?" 7 Sila ay nagsalita sa kaniya at sinabi, "Kung ikaw ay magiging isang lingkod ngayon sa mga taong ito at paglilingkuran sila, at sasagutin sila sa pamamagitan ng mabubuting mga salita, palagi silang magiging mga lingkod mo." 8 Subalit binalewala ni Rehoboam ang ibinigay na payo ng mga matatandang lalaki sa kaniya, at sumangguni sa mga kabataan na lumaking kasama niya, na tumayo sa harapan niya. 9 Sinabi niya sa kanila, "Anong payoang maibibigay ninyo sa akin, upang maaari nating masagot ang mga tao na nagsalita sa akin at nagsabing, "Pagaanin ninyo ang pasanin na inilagay sa amin ng inyong ama?" 10 Ang mga kabataan na lumaking kasama ni Rehoboam ay nagsalita sa kaniya, nagsabi, "Magsalita ka sa mga taong ito na nagsabi sa iyo na ang iyong amang si Solomon ang nagpabigat ng kanilang pasanin pero dapat mo itong pagaanin. Dapat mong sabihin sa kanila, "Ang hinliliit kong daliri ay makapal kaysa sa baywang ng aking ama. 11 Kaya ngayon, kahit na pinahirapan kayo ng aking ama sa pamamagitan ng isang mabigat na pasanin, magdadagdag ako sa inyong pasanin. Pinarusahan kayo ng aking ama sa pamamagitan ng mga latigo, ngunit parurusahan ko kayo sa pamamagitan ng mga alakdan." 12 Kaya dumating si Jeroboam at ang lahat ng bayan kay Rehoboam sa ikatlong araw, gaya ng itinagubilin ng hari noong sinabi niyang, "Bumalik kayo sa akin sa ikatlong araw." 13 Marahas na tinugon ng hari ang bayan at binalewala ang payo na ibinigay sa kaniya ng mga matatandang lalaki. 14 Siya ay nagsalita sa kanila bilang pagsunod sa payo ng mga nakababatang lalaki; sabi niya, "Pinagpasan kayo ng aking ama sa pamamagitan ng mabibigat na pasanin, pero magdadagdag ako ng pasanin sa inyo. Pinarusahan kayo ng aking ama sa pamamagitan ng mga latigo, pero parurusahan ko kayo sa pamamagitan ng mga alakdan." 15 Kaya hindi nga pinakinggan ng hari ang mga tao, dahil ito ay isang pagbabago ng mga pangyayari na ginawa ni Yahweh, upang maaari niyang tuparin ang kaniyang salita na kaniyang sinabi kay Ahias na taga-Silo kay Jeroboam na anak ni Nebat. 16 Nang makita ng buong Israel na hindi sila pinakinggan ng hari, sinagot siya ng mga tao at sinabi, "Anong bahagi mayroon kami kay David? Wala kaming mana sa anak ni Jesse! Umuwi kayo sa inyong mga tolda, Israel. Ngayon pangalagaan mo ang sarili mong bahay, David." Kaya nagbalik ang Israel sa kanilang mga tolda. 17 Pero para sa bayang Israel na nanirahan sa mga lungsod ng Juda, si Rehoboam ang naghari sa kanila. 18 Pagkatapos ipinadala ni Haring Rehoboam si Adoram, na siyang namamahala sa mga pinilit na mga manggagawa, pero pinagbabato siya ng buong Israel hanggang mamatay. Mabilis na tumakas si Haring Rehoboam sa kaniyang karwahe patungong Jerusalem. 19 Kaya ang Israel ay naging rebelde laban sa angkan ni David hanggang sa araw na ito. 20 Nangyari ito nang mabalitaan ng buong Israel na bumalik na si Jeroboam, ipinadala nila at tinawag siya sa kanilang kapulungan at ginawa siyang hari sa buong Israel. Walang isa man ang sumunod sa pamilya ni David, maliban lamang sa lipi ni Juda. 21 Nang dumating si Rehoboam sa Jerusalem, tinipon niya ang lahat ng lipi ni Juda at ang lipi ni Benjamin; mayroong piniling 180, 000 kalalakihan na mga sundalo, para labanan ang lipi ng Israel, para ibalik muli ang kaharian kay Rehoboam na anak ni Solomon. 22 Ngunit dumating ang salita ng Diyos kay Semaias, ang lingkod ng Diyos; ito ang sinabi, 23 "Sabihin kay Rehoboam na anak ni Solomon, hari ng Juda, sa lahat ng lipi ni Juda at Benjamin, at sa natitirang mga tao; sabihing, 24 'Ito ang sinasabi ni Yahweh: Hindi ninyo dapat nilulusob o nilalabanan ang inyong mga kapatid na bayang Israel. Bawat lalaki ay dapat magbalik sa kaniyang tahanan, dahil kalooban ko na mangyari ang bagay na ito."' Kaya nakinig sila sa salita ni Yahweh at bumalik at nagpunta sa kani-kanilang daan, at sinunod nila ang kaniyang salita. 25 Pagkatapos itinayo ni Jeroboam ang Shekem sa burol ng bansang Efraim, at nanirahan doon. Lumipat siya mula doon at itinayo ang Penuel. 26 Inaakala ni Jeroboam sa kaniyang puso, "Ngayon manunumbalik ang kaharian sa bahay ni David. 27 Kung aakyat ang bayang ito para mag-alay ng mga handog sa templo ni Yahweh sa Jerusalem, sa gayon, ang puso ng mga taong ito ay manunumbalik muli sa kanilang panginoon, kay Rehoboam hari ng Juda. Papatayin nila ako at babalik sila kay Rehoboam hari ng Juda." 28 Kaya naghanap ng payo si Haring Jeroboam at gumawa ng dalawang guyang ginto; sinabi niya sa mga tao, "Labis-labis ito para sa inyo na umakyat sa Jerusalem. Masdan ninyo, ito ang inyong mga diyos bayang Israel, na naglabas sa inyo sa lupain ng Ehipto. 29 Naglagay siya ng isa sa Bethel at ang isa sa Dan. 30 Kaya naging isang kasalanan ang pagkilos na ito. Ang mga tao ay nagpunta sa isa o sa kabila, hanggang makarating sa Dan. 31 Gumawa si Jeroboam ng mga Templo sa mga dambana; naghirang din siya ng mga pari sa kalagitnaan ng buong bayan, na hindi mga anak na lalaki ni Levi. 32 Nagtalaga si Jeroboam ng isang pista sa ika-walong buwan, sa ika-labing limang araw ng buwan, tulad ng pista na nasa Juda, at umakyat siya sa altar. Ginawa niya ito sa Bethel, naghahandog sa mga guya na kaniyang ginawa, at naglagay siya sa Bethel ng mga pari sa mga dambana na kaniyang ginawa. 33 Umakyat si Jeroboam sa altar na kaniyang ginawa sa Bethel sa ika-labing limang araw ng ika-walong buwan, sa buwan na binalak niya sa sarili niyang isipan; nagtalaga siya ng isang pista para sa bayan ng Israel at umakyat sa altar para magsunog ng insenso.

Chapter 13

1 Isang lingkod ng Diyos ang lumabas sa Juda sa pamamagitan ng salita ni Yahweh para sa Bethel. Nakatayo si Jeroboam sa may altar para magsunog ng insenso. 2 Ang lingkod ng Diyos ay sumigaw sa harapan ng altar sa pamamagitan ng salita ni Yahweh at sinabi, "Altar, o altar, sinasabi ni Yahweh, 'Tingnan, isang anak na lalaki ang isisilang sa pamilya ni David, sa pangalang Josias, at maghahandog siya sa iyo ng mga pari ng mga dambana na nagsusunog ng insenso sa iyo; susunugin nila ang mga buto ng kalalakihan sa iyo'." 3 Pagkatapos nagbigay ng isang palatandaan ang lingkod ng Diyos sa araw ding iyon, sinasabi, "Ito ang katunayan na nagsalita si Yahweh: "Masdan ito, ang altar ay mahahati, at ang mga abo na naririto ay ibubuhos." 4 Nang marinig ng hari kung ano ang sinabi ng lingkod ng Diyos, na siya ay nagsalita laban sa altar ng Bethel, itinaas ni Jeroboam ang kaniyang kamay mula sa altar, na sinasabi, "Hulihin siya." Pagkatapos ang kamay na itinuro niya laban sa lalaki ay natuyo, sa gayon hindi niya ito maibalik sa kaniyang sarili. 5 Nahati din ang altar, at ibinuhos ang mga abo mula sa altar, tulad ng inilarawan sa pamamagitan ng palatandaan na ibinigay ng lingkod ng Diyos sa pamamagitan ng salita ni Yahweh. 6 Sumagot si Haring Jeroboam at sinabi sa lingkod ng Diyos, "Makiusap ka para sa pabor ni Yahweh na iyong Diyos at ipanalangin ako, sa gayon maaaring maibalik muli sa dating kalagayan ang aking kamay." Kaya nanalangin ang lingkod ng Diyos kay Yahweh, at muling naibalik sa dating kalagayan ang kamay ng hari. 7 Sinabi ng hari sa lingkod ng Diyos, "Sumama ka sa aking tahanan at magpalakas, at bibigyan kita ng isang gantimpala." 8 Sinabi ng lingkod ng Diyos sa hari, "Kahit ibigay mo sa akin ang kalahati ng iyong mga pag-aari, hindi ako sasama sa iyo, ni kakain o iinom sa lugar na ito, 9 dahil inutos sa akin ni Yahweh sa pamamagitan ng kaniyang salita, "Hindi ka kakain ng tinapay ni iinom ng tubig, ni babalik sa iyong dinaanan." 10 Kaya nag-iba ng daanan ang lingkod ng Diyos at hindi nagbalik sa kaniyang tahanan sa daan na kaniyang dinaanan patungo sa Bethel. 11 Ngayon mayroong isang matandang propeta na naninirahan sa Bethel, at isa sa mga anak niyang lalaki ay dumating at sinabi sa kaniya ang lahat ng nagawa ng lingkod ng Diyos nang araw na iyon sa Bethel. Sinabi rin ng kaniyang mga anak na lalaki sa kaniya ang mga salita na sinabi ng lingkod ng Diyos sa hari. 12 Sinabi ng kanilang ama sa kanila, "Saang daan siya nagpunta?" Ngayon itinuro ng mga anak na lalaki ang dinaanan ng lingkod ng Diyos mula sa Juda na pinanggalingan. 13 Kaya sinabi niya sa kaniyang mga anak na lalaki, "lhanda ang asnong sasakyan ko." Kaya inihanda nila ang asno at sinakyan niya ito. 14 Sinundan ng matandang propeta ang lingkod ng Diyos at inabutan siyang nakaupo sa ilalim ng puno ng ensena; at sinabi niya sa kaniya, "Ikaw ba ang lingkod ng Diyos na nanggaling mula sa Juda?" Sumagot siya, "Ako nga." 15 Pagkatapos sinabi sa kaniya ng matandang propeta, "Sumama ka sa aking tahanan at kumain ka." 16 Sumagot ang lingkod ng Diyos, "Hindi ako maaaring sumama sa iyo pabalik ni magpunta sa inyo, hindi rin ako maaaring kumain ni uminom sa inyo sa lugar na ito, 17 dahil ito ay iniutos sa akin sa pamamagitan ng salita ni Yahweh, "Hindi ka kakain ni iinom nang tubig doon, ni magbabalik sa iyong dinaanan." 18 Kaya sinabi ng matandang propeta sa kaniya, "Ako ay isa ring propetang tulad mo, at isang anghel ang nagsalita sa akin sa pamamagitan ng salita ni Yahweh, sinasabing, "Isama mo siya pabalik sa iyong bahay, para maaari siyang kumain at uminom ng tubig." Pero siya ay nagsisinungaling sa lingkod ng Diyos. 19 Kaya sumama ang lingkod ng Diyos sa matandang propeta at kumain sa kaniyang tahanan at uminom ng tubig. 20 Habang sila ay nakaupo sa hapagkainan, ang salita ni Yahweh ay dumating sa propeta na nagdala sa kaniya, 21 at sumigaw siya sa lingkod ng Diyos na nanggaling mula sa Juda, sinasabing, "Pinasasabi ni Yahweh, "Dahil sinuway mo ang salita ni Yahweh at hindi sinunod ang utos na ibinigay sa iyo ni Yahweh na iyong Diyos, 22 pero bumalik ka at kumain at uminom ng tubig sa lugar na sinabi niya sa iyo na huwag kang kakain at iinom ng tubig, hindi maililibing ang iyong katawan sa libingan ng iyong mga ninuno." 23 Pagkatapos niyang kumain at uminom, inihanda ng propeta ang asno ng lingkod ng Diyos, ang lalaking bumalik kasama niya. 24 Nang makaalis na ang lingkod ng Diyos, isang leon ang nasalubong niya sa daan at pinatay siya, at ang katawan niya ay naiwan sa daanan. Pagkatapos nakatayo ang asno sa tabi nito at nakatayo din ang leon sa katawan nito. 25 Nang napadaan ang mga tao at nakita ang naiwang katawan sa daanan, at ang nakatayong leon sa tabi ng katawan, sila ay dumating at ibinalita ito sa lungsod kung saan nanirahan ang matandang propeta. 26 Nang marinig ito ng propeta na nagdala pabalik sa kaniya mula sa daanan, sinabi niya, "Ito ang lingkod ng Diyos na lumabag sa salita ni Yahweh. Kaya siya ay ibinigay ni Yahweh sa leon, na nilapa ng pira-piraso at pinatay siya, tulad lamang ng salita ni Yahweh na nagbabala sa kaniya. 27 Kaya nagsalita ang matandang propeta sa mga anak niyang lalaki, na sinasabing, "Ihanda ang aking asno," at inihanda nila ito. 28 Siya ay nagpunta at nakitang naiwan ang katawan sa daanan, at nakabantay ang asno at leon sa tabi ng bangkay. Hindi kinain ng leon ang bangkay, ni sinaktan ang asno. 29 Kinuha ng propeta ang bangkay ng lingkod ng Diyos, isinakay ito sa asno at dinala ito pabalik. Dumating siya sa sarili niyang lungsod para magluksa at para siya ay ilibing. 30 Inilibing niya ang bangkay sa sarili niyang libingan, at sila ay nagluksa sa kaniya, na sinasabing, "Kaawa-awa ka, aking kapatid na lalaki!" 31 Nang siya ay mailibing na niya, nagsalita ang matandang propeta sa kaniyang mga anak na lalaki, na sinasabing, "Kapag ako ay namatay ilibing ninyo ako sa libingan kung saan inilibing ang lingkod ng Diyos. Ilagay ninyo ang aking mga buto sa tabi ng kaniyang mga buto. 32 Dahil kung ano ang kaniyang sinabi nang siya ay nagpahayag ng salita ni Yahweh laban sa altar sa Bethel, at laban sa lahat ng templo sa mga dambana sa mga lungsod ng Samaria, ay siguradong matutupad." 33 Pagkatapos nito hindi nagbago si Jeroboam mula sa kaniyang masasamang gawain, pero patuloy pa rin siyang naghirang ng mga pari para sa mga dambana mula sa kalagitnaan ng buong bayan. Ginawa niyang banal ang sinumang nais maglingkod, na maaaring maging mga pari sa mga dambana. 34 Ang bagay na ito ay naging kasalanan sa pamilya ni Jeroboam at naging dahilan na maputol at mawasak ang mga ito sa ibabaw ng daigdig.

Chapter 14

1 Nang panahon na iyon ang anak ni Jeroboam na si Abias ay nagkasakit. 2 Sinabi ni Jeroboam sa kaniyang asawa, "Pakiusap bumangon ka at magkunwari, para hindi ka makilala bilang asawa ko, at pumunta ka sa Silo, dahil ang propetang si Ahias ay naroroon; siya ang nagsalita tungkol sa akin, na sinasabing ako ay magiging hari sa bayang ito. 3 Magdala ka ng sampung tinapay, ilang mga keyk, at isang garapong pulot, at pumunta ka kay Ahias. Sasabihin niya sa iyo kung ano ang mangyayari sa bata." 4 Ganoon nga ang ginawa ng asawa ni Jeroboam; umalis siya at nagpunta sa Silo at dumating sa bahay ni Ahias. Ngayon hindi na nakakakita si Ahias, siya ay bulag na dahil sa kaniyang edad. 5 Sinabi ni Yahweh kay Ahias, "Masdan mo, darating ang asawa ni Jeroboam para humingi ng payo mula sa iyo tungkol sa kaniyang anak na lalaki, dahil siya ay may sakit. Sabihin mo sa kaniya ang ganoon at ganito, dahil kapag siya ay dumating, magkukunwari siyang parang siya ay ibang babae." 6 Nang marinig ni Ahias ang tunog ng kaniyang yapak habang siya ay pumapasok sa pintuan, sabi niya, "Pumasok ka, asawa ni Jeroboam. Bakit ka nagkukunwari na maging isang tao na hindi naman ikaw iyon? Isinugo ako sa iyo na may mga masamang balita. 7 Umalis ka, sabihin mo kay Jeroboam na si Yahweh, ang Diyos ng Israel, ay nagsasabing, "Itinaas kita mula sa kalagitnaan ng bayan para gawin kang pinuno ng aking bayang Israel. 8 Inalis ko ang kaharian mula sa pamilya ni David at ibinigay ko sa iyo, gayon man hindi ka naging tulad ni David na aking lingkod, na tumupad sa aking mga utos at sumunod sa akin ng buong puso niya, at gawin lamang kung ano ang matuwid sa aking mga paningin. 9 Sa halip, ginawa mo ang kasamaan, higit sa lahat ng nauna sa iyo. Gumawa ka ng ibang mga diyos, at hinulmang mga imaheng bakal para galitin ako, at sinaksak mo ako sa aking likuran. 10 Kaya, pagmasdan mo, magpapadala ako ng kapahamakan sa iyong pamilya; puputulin ko mula sa iyo ang bawat batang lalaki sa Israel, maging alipin o malaya, at ganap na tatanggalin ang iyong pamilya, tulad ng isang tao na nagsusunog ng dumi hanggang ito ay maglaho na. 11 Sinuman na kabilang sa iyong pamilya na namatay sa lungsod ay kakainin ng mga aso, at sinumang mga namatay sa bukid ay kakainin ng mga ibon ng mga kalangitan, dahil ako, si Yahweh, ang nagsabi nito. 12 Kaya tumindig ka, asawa ni Jeroboam, at bumalik ka sa iyong tahanan, kapag pumasok ka sa lungsod, ang anak mong si Abias ay mamamatay. 13 Ipagluluksa siya ng buong Israel at siya ay ililibing. Siya lamang ang tanging mula sa pamilya ni Jeroboam ang mapupunta sa isang libingan, dahil sa kaniya lamang, mula sa sambahayan ni Jeroboam, ay may mabubuting bagay na natagpuan sa paningin ni Yahweh, ang Diyos ng Israel. 14 Gayundin, si Yahweh ay magtatalaga ng isang hari ng Israel na magpuputol sa pamilya ni Jeroboam sa araw na iyon. Ngayon na ang araw na iyon, ngayon na. 15 Dahil lilipulin ni Yahweh ang Israel tulad ng isang halamang tambo na nililiglig sa tubig, at bubunutin niya ang Israel sa masaganang lupain na ito na ibinigay niya sa kanilang mga ninuno. Sila ay kaniyang ikakalat sa kabila ng ilog Eufrates, dahil gumawa sila ng mga poste ni Asera at ginalit nila si Yahweh. 16 Pababayaan niya ang Israel dahil sa mga kasalanan ni Jeroboam, ang mga kasalanan na kaniyang ginawa, at sa pamamagitan na nagdulot ng kasalanan sa bayang Israel para magkasala." 17 Kaya tumindig at umalis ang asawa ni Jeroboam, at dumating sa Tirsa. Pagdating niya sa bungad ng pintuan ng kaniyang bahay, namatay ang bata. 18 Inilibing siya ng buong bayan ng Israel at ipinagluksa siya, tulad lamang ng pagkakasabi sa kanila sa pamamagitan ng salita ni Yahweh na kaniyang sinabi sa pamamagitan ng lingkod niyang si propeta Ahias. 19 Sa iba pang mga bagay tungkol kay Jeroboam, kung paano siya nakipagdigma at paano siya naghari, tingnan, sila ay nakasulat Sa Aklat ng mga Kaganapan ng mga Hari ng Israel. 20 Naghari si Jeroboam ng dalawampu't-dalawang taon at pagkatapos humimlay siyang kasama ang kaniyang mga ninuno, at si Nadab na kaniyang anak na lalaki ang naging hari na humalili sa kaniya. 21 Ngayon si Rehoboam na anak ni Solomon ang naghahari sa Juda. Si Rehoboam ay apatnapu't-isang taong gulang noong siya ay naging hari, at siya ay labing pitong taong naghari sa Jerrusalem, ang lungsod na pinili ni Yahweh sa lahat ng mga lipi ng Israel para ilagay ang kaniyang pangalan. Ang pangalan ng kaniyang ina ay Naama na taga-Ammon. 22 Gumawa ng kasamaan ang Juda sa paningin ni Yahweh; nagbunsod sa kaniya para siya ay magselos sa mga kasalanang ginawa nila, higit pa sa lahat ng bagay na nagawa ng kanilang ninuno. 23 Dahil sila ay nagtayo rin ng mga dambana, mga sagradong haliging bato, at poste ni Asera sa bawat matataas na burol at sa ilalim ng bawat luntiang puno. 24 Mayroon ding mga kultong bayarang lalaki at babae sa lupain. Ginawa din nila ang mga kasuklam-suklam na bagay na ginawa ng mga bansa, na pinalayas ni Yahweh sa harapan ng bayang Israel. 25 Nangyari nang ika-limang taon ng paghahari ni Haring Rehoboam na sinalakay ni Shishak hari ng Ehipto ang Jerusalem. 26 Kinuha niya ang mga kayamanan sa bahay ni Yahweh, at ang mga kayamanan sa bahay ng hari. Sinamsam niya ang lahat ng bagay; kinuha niya rin ang lahat ng mga gintong kalasag na ginawa ni Solomon. 27 Gumawa ng mga tansong kalasag si Haring Rehoboam kapalit nila at ipinagkatiwala sila sa mga kamay ng mga pinuno ng bantay, na nagbabantay ng pintuan sa bahay ng hari. 28 Ito ay nangyayari kapag pumapasok ang hari sa bahay ni Yahweh, dala-dala ito ng mga bantay; pagkatapos sila ay ibabalik nila sa himpilan ng bantay. 29 Para sa iba pang mga bagay tungkol kay Rehoboam, at sa lahat ng ginawa niya, hindi ba nasusulat sila sa Ang Aklat ng mga Kaganapan ng mga Hari ng Juda? 30 Mayroong patuloy na digmaan sa pagitan ng sambahayan ni Rehoboam at sa sambahayan ni Jeroboam. 31 Kaya humimlay si Rehoboam kasama ng kaniyang mga ninuno at inilibing kasama nila sa lungsod ni David. Ang pangalan ng kaniyang ina ay Naama na Ammonita. Si Abias na kaniyang anak na lalaki ang naging hari na kaniyang kahalili.

Chapter 15

1 Sa ika labing-walong taon ng paghahari ni Haring Jeroboam anak ni Nebat, si Abiam ay nagsimulang maghari sa Juda. 2 Siya ay naghari sa Jerusalem sa loob ng tatlong taon. Ang pangalan ng kanyang ina ay Maaca, ang anak ni Absalom. 3 Lumakad siya ayon sa mga kasalanan ng mga nauna sa kaniya; ang kaniyang puso ay hindi nakalaan kay Yahweh na kaniyang Diyos na tulad ng puso ni David, na kaniyang ninuno. 4 Ganumpaman, alang-alang kay David, binigyan siya ni Yahweh ng ilawan sa Jerusalem sa pamamagitan ng pagtataguyod sa kaniyang anak para palakasin ang Jerusalem. 5 Ginawa ito ng Diyos dahil ginawa ni David ang tama sa kaniyang paningin; sa buong buhay niya hindi siya tumalikod sa anumang inutos sa kaniya, maliban na lang sa ginawa niya kay Urias na Hiteo. 6 Sa kasalukuyan, may digmaan sa pagitan nila Rehoboam at Jeroboam sa buong buhay ni Abiam. 7 At sa iba pang mga bagay tungkol kay Abiam, ang lahat ng kaniyang ginawa, hindi ba naisulat ang mga ito sa Aklat ng mga Kaganapan sa Buhay ng mga Hari ng Judah? Nagkaroon ng digmaan sa pagitan ni Abiam at Jeroboam. 8 Nahimlay si Abiam sa piling ng kaniyang mga ninuno, at inilibing siya sa lungsod ni David. Si Asa na kaniyang anak ang naging hari kapalit niya. 9 Sa ika-dalawampung taon ni Jeroboam, hari ng Israel, si Asa ay nagsimulang mamuno sa Juda. 10 Siya ay namuno sa loob ng apatnapu't isang taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kaniyang lola ay Maaca, na siyang anak ni Absalom. 11 Ginawa ni Asa ang tama sa paningin ni Yahweh, na tulad ng ginawa ni David, na kaniyang ninuno. 12 Pinalayas niya ang mga lalakeng bayaran sa mga dambana mula sa lupain at tinanggal ang lahat ng mga diyus-diyosan na ginawa ng kaniyang mga ninuno. 13 Tinanggal niya rin si Maaca, ang kaniyang lola sa pagiging reyna dahil gumawa ito ng isang kasuklam-suklam na rebulto mula sa poste ni Asera. Pinutol ni Asa ang kasuklam-suklam na rebulto at saka sinunog sa Lambak ng Kidron. 14 Pero ang mga dambana ay nanatiling nakatayo. Ganumpaman, ang puso ni Asa ay ganap na nakalaan kay Yahweh sa buong buhay niya. 15 Dinala niya sa tahanan ni Yahweh ang lahat ng mga bagay na inihandog ng kaniyang ama at ang kaniyang mga handog kay Yahweh, mga bagay na gawa sa ginto at pilak. 16 May digmaan sa pagitan nila Asa at Baasa na hari ng Israel, sa buong buhay nila. 17 Mapangahas na kumilos si Baasa na hari ng Israel laban sa Juda at itinayo ang Rama, para mapigilan niya ang sinuman na makapasok o makalabas sa lupain ni Asa hari ng Juda. 18 Kaya kinuha ni Asa ang lahat ng mga pilak at ginto sa taguan ng mga kayamanan ng templo at ng palasyo ng hari. Inabot niya ito sa kamay ng kaniyang mga lingkod at inutusan silang dalhin ito kay Ben Hadad, anak ni Tabrimon anak ni Hezion, ang hari ng Aram na nakatira sa Damasco. 19 Sinabi niya, "Magkaroon tayo ng kasunduan, na tulad ng kasunduan na mayroon ang mga ama natin. Tingnan mo, pinadalhan kita ng mga pilak at ginto. Putulin mo na ang kasunduan mo kay Baasa na Hari ng Israel, para hayaan na niya ako." 20 Nakinig si Ben Hadad kay Haring Asa at ipinadala ang mga pinuno ng kaniyang mga hukbo, at kanilang sinalakay ang mga lungsod sa Israel. Sinalakay nila ang Ijon, Dan, Abel Bet Maaca, at ang buong Cineret, kasama ng lahat ng lupain ng Neftali. 21 Nang marinig ito ni Haring Baasa, itinigil niya ang pagtayo ng Rama at bumalik sa Tirza. 22 At gumawa ng proklamasyon para sa buong Juda si Haring Asa. Walang sinuman ang hindi sakop nito. Dinala nila ang lahat ng mga troso at mga bato na ginagamit ni Haring Baasa para itayo ang Rama. Ginamit ni Haring Asa ang mga ito para itayo ang Geba ng Benjamin at Mizpah. 23 At sa iba pang mga bagay tungkol kay Asa, ang kaniyang kadakilaan, ang lahat ng kaniyang ginawa, ang lahat ng mga lungsod na kaniyang itinayo, hindi ba naisulat ang mga ito sa Aklat ng mga Kaganapan sa Buhay ng mga Hari ng Juda? Pero nang siya ay tumanda na, nagkaroon siya ng sakit sa paa. 24 At si Asa ay nahimlay kasama ang kaniyang mga ninuno at inilibing sa lungsod ni David na kaniyang ama. Si Jehosafat na kaniyang anak ang naging hari kapalit niya. 25 Si Nadab na anak ni Jeroboam ang naging hari ng Israel noong ikalawang taon ng paghahari ni Asa sa Juda; naghari siya sa Israel ng dalawang taon. 26 Ginawa niya ang masama sa paningin ni Yahweh at sumunod sa yapak ng kaniyang ama, at sa kaniyang sariling kasalanan, na humikayat sa buong Israel para magkasala. 27 Nagplano ng pagtataksil laban kay Nadab si Baasa na anak ni Ahias na mula sa pamilya ni Isacar,; pinatay siya ni Baasa sa Gibeton, na sakop ng Filisteo, dahil sina Nadab at ang buong Israel ay lumusob sa Gibeton. 28 Sa ikatlong taon ni haring Asa ng Juda, pinatay ni Baasa si Nadab at naging hari kapalit niya. 29 At nang siya ay naging hari, pinatay ni Baasa ang lahat ng pamilya ni Jeroboam. Wala siyang iniwang humihinga sa mga kaapu-apuhan ni Jeroboam; sinira niya ang lipi ng mga hari sa paraang ito, ayon sa sinabi ni Yahweh kay Ahias ang taga-Shilo na kaniyang lingkod, 30 para sa mga kasalanan ni Jeroboam at ang kaniyang pangunguna sa buong Israel sa pagkakasala dahil ginalit niya si Yahweh, ang Diyos ng Israel. 31 At sa iba pang mga bagay tungkol kay Nadab, ang kaniyang mga nagawa, hindi ba ito nasusulat sa Aklat ng mga Kaganapan sa Buhay ng mga Hari ng Israel? 32 May digmaan sa pagitan ni Haring Asa at Haring Baasa ng Israel sa buong buhay nila. 33 Sa ikatlong taon ni Asa hari ng Judah, nagsimulang maghari sa Israel si Baasa anak ni Ahias sa Tirza sa loob ng dalwampu't apat na taon. 34 Ginawa niya ang masama sa paningin ni Yahweh at lumakad sa yapak ni Jeroboam at sa kaniyang kasalanan na humikayat sa buong Israel para magkasala.

Chapter 16

1 Dumating ang mensahe ni Yahweh kay Jehu na anak ni Hanani laban kay Baasa, at nagsabing, 2 "Sa kabila ng pag-angat ko sa iyo mula sa alikabok at paghirang ko sa iyo bilang pinuno ng aking bayang Israel, lumakad ka sa yapak ni Jeroboam at hinimok ang aking bayang Israel para magkasala, upang magalit ako dahil sa kanilang mga kasalanan. 3 Tingnan mo, tuluyan kong itataboy si Baasa at ang kaniyang pamilya, at itutulad ko ang iyong pamilya sa pamilya ni Jeroboam na anak ni Nebat. 4 Kakainin ng mga aso ang sinumang nabibilang kay Baasa na mamamatay sa lungsod, at ang mga ibon sa himpapawid ay kakainin ang sinumang mamamatay sa mga parang. 5 At sa iba pang mga bagay tungkol kay Baasa, ang kaniyang mga ginawa, ang kaniyang kadakilaan, hindi ba ito nasusulat sa Aklat ng mga Kaganapan sa Buhay ng mga Hari ng Israel? 6 Nahimlay si Baasa kasama ng kaniyang mga ninuno at inilibing sa Tirza, at ang kaniyang anak na si Ela ang naging hari kapalit niya. 7 Kaya dumating ang mensahe ni Yahweh laban kay Baasa at sa buo niyang pamilya sa pamamagitan ni propetang Jehu na anak ni Hanani dahil sa mga masasamang bagay na ginawa ni Baasa sa paningin ni Yahweh, na nagpagalit sa kaniya sa pamamagitan ng kaniyang mga ginawa na tulad ng pamilya ni Jeroboam, at dahil sa pagpatay niya sa buong pamilya ni Jeroboam. 8 Sa ika-dalawampu't anim na taon ni Asa, hari ng Juda, si Ela na anak ni Baasa ay nagsimulang maghari sa buong Israel sa Tirza; siya ay naghari sa loob ng dalawang taon. 9 Ang kaniyang lingkod na si Zimri, ang pinuno ng kalahati ng kaniyang mga karuwaheng pandigma, ay nagbalak ng masama laban sa kaniya. Sa panahong iyon si Ela ay nasa Tirza, na nilalasing ang sarili sa bahay ni Arza, na namamahala sa buong sambahayan sa Tirza. 10 Pumasok sa loob si Zimri, sinalakay at pinatay niya si Ela, at naging hari kapalit niya sa ika-dalawampu't pitong taon ni Asa hari ng Juda. 11 Noong nagsimulang maghari si Zimri, pagka-upo niya sa kaniyang trono, pinatay niya ang lahat ng pamilya ni Baasa. Hindi siya nag-iwan ng buhay, kahit na isang batang lalaki, maging kamag-anak o kaibigan ni Baasa. 12 Kaya winasak ni Zimri ang lahat ng pamilya ni Baasa, na gaya ng sinabi sa kanila ni Yahweh sa pamamagitan ni Jehu na propeta, 13 dahil sa lahat ng mga nagawang kasalanan ni Baasa at ng kaniyang anak na si Ela, at ng dahil sa hinikayat din din nila ang Israel para magkasala at galitin si Yahweh, ang Diyos ng Israel, nang dahil sa kanilang mga diyus-diyosan. 14 At sa iba pang mga bagay tungkol kay Ela, ang lahat ng kaniyang ginawa, hindi ba naisulat ang mga ito sa Aklat ng mga Kaganapan sa Buhay ng mga Hari ng Israel? 15 Noong ika-dalawampu't pitong taon ni Asa hari ng Judah, naghari lamang si Zimri sa loob ng pitong araw sa Tirzah. Ngayon ang hukbo ay nagkampo sa Gibeton, na nasa teritoryo ng mga Filisteo. 16 Narinig ng hukbo na nasa kampo doon na, "Nagtaksil si Zimri at pinatay niya ang hari." Kaya sa araw na iyon sa kampo, ang buong Israel ay idineklara si Omri, ang pinuno ng hukbo, bilang hari sa buong Israel. 17 Pumunta paakyat si Omri kasama ang buong Israel mula sa Gibeton, at nilusob ang Tirza. 18 Kaya nang makita ni Zimri na ang lungsod ay nasakop na, pumunta siya sa tanggulan na nakadugtong sa palasyo ng hari at sinilaban ang gusali kung nasaan siya, sa paraang ito namatay siya sa sunog. 19 Ito ay para sa mga kasalanan na kaniyang ginawa sa paningin ni Yahweh, sa paglakad sa yapak ni Jeroboam at sa kasalanang kaniyang mga nagawa, at sa paghimok niya na magkasala ang Israel. 20 At para naman sa iba pang bagay patungkol kay Zimri, at sa pag-aklas na ginawa niya, hindi ba nakasulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kaganapan sa Buhay ng mga Hari ng Israel? 21 Pagkatapos ang bayan ng Israel ay nahati sa dalawang bahagi. Sumunod ang kalahati kay Tibni na anak ni Ginat para gawin siyang hari at ang kalahati ay sumunod kay Omri. 22 Pero ang mga taong sumunod kay Omri ay mas malakas kaysa sa mga sumunod kay Tibni na anak ni Ginat. Kaya namatay si Tibni at si Omri ang naging hari. 23 Nagsimulang maghari si Omri sa buong Israel noong ika tatlumpu't isang taon ni haring Asa sa Juda, at siya ay naghari ng labindalawalang taon. Naghari siya sa Tirza ng anim na taon. 24 Binili niya ang bulubundukin ng Samaria kay Semer sa halagang dalawang talentong pilak. Nagtayo siya ng lungsod sa bulubundukin at tinawag niya itong Samaria, ayon sa pangalan ni Semer, ang dating may-ari ng bulubundukin. 25 Ginawa ni Omri ang masamang bagay sa paningin ni Yahweh at naging masahol pa sa mga nauna sa kaniya. 26 Dahil sa pagsunod niya sa yapak ni Jeroboam na anak ni Nebat at sa kasalanan nito, hinikayat niya ang Israel sa kasalanan na gumalit kay Yahweh, ang Diyos ng Israel, dahil sa kanilang mga diyus-diyosan. 27 At para sa iba pang mga bagay na ginawa ni Omri, at ang lakas ng puwersa na pinakita niya, hindi ba nakasulat ang mga ito sa Aklat ng mga Kaganapan sa Buhay ng mga Hari ng Israel? 28 Pagkatapos, nahimlay si Omri kasama ng kaniyang mga ninuno at inilibing sa Samaria, si Ahab na kaniyang anak ang pumalit sa kaniya bilang hari. 29 Sa ika-tatlumpu't walong taon ng pamumuno ni Haring Asa ng Juda, si Ahab na anak ni Omri ay naging hari sa buong Israel. 30 Naghari si Ahab na anak ni Omri sa buong Israel nang dalawampu't dalawang taon. Gumawa ng masama si Ahab sa paningin ni Yahweh, na mas masahol pa sa mga nauna sa kaniya. 31 Bale wala lang sa kaniya ang paglakad sa yapak ni Jeroboam na anak ni Nebat, kaya ginawa niyang asawa si Jezebel na anak ni Etbaal, hari ng mga taga-Sidon; pumunta siya at sinamba si Baal at yumukod sa kaniya. 32 Nagtayo siya ng altar para kay Baal sa tahanan ni Baal, na itinayo niya sa Samaria. 33 Nagtayo si Ahab ng poste para kay Asera. Gumawa si Ahab ng mga bagay na mas masahol pa sa mga nauna sa kaniya na mas lalong ikinagalit ni Yahweh, na Diyos ng Israel. 34 Sa kaniyang panahon, tinayo muli ni Hiel ang Jerico. Tinayo niya ito kapalit ang buhay ng kaniyang panganay na anak na si Abiram at ginawa ang mga tarangkahan kapalit ang buhay ni Segub, ang kaniyang bunso. Ginawa nila ito dahil sinunod nila ang salita ni Yahweh na sinabi noong panahon ni Josue anak ni Nun.

Chapter 17

1 Sinabihan ni Elias na taga-Tisbe sa Galaad si Ahab, "Habang si Yahweh, na Diyos ng Israel na aking kinakatawan, ay totoong buhay, hindi magkakaroon ng hamog o kaya ulan sa mga susunod na taon hanggang hindi ko sinasabi." 2 Ang mensahe ng Diyos ay dumating kay Elias, na nagsasabing, 3 "Lisanin mo ang lugar na ito at pumunta ka pasilangan; magtago ka sa batis ng Kerit sa silangan ng Jordan. 4 Mangyayari na iinom ka sa tubig mula sa batis at inutusan ko ang mga uwak na pakainin ka doon. 5 Kaya umalis si Elias at ginawa ang inutos ni Yahweh. Pumunta siya para mamuhay sa batis ng Kerit sa silangan ng Jordan. 6 Dinalhan siya ng mga uwak ng tinapay at karne sa umaga at sa gabi, at uminom siya mula sa batis. 7 Pero hindi katagalan natuyo ang batis dahil hindi umuulan sa lupain. 8 Dumating ang mensahe ng Diyos sa kaniya na nagsasabing, 9 "Bumangon ka, pumunta ka sa Sarepta na sakop ng Sidon, at doon ka manahan. Tingnan mo, inutusan ko ang isang balo para alagaan ka. 10 Kaya bumangon siya at pumunta sa Sarepta, at nang makarating siya sa tarangkahan ng lungsod isang balo ang namumulot ng mga kahoy. Kaya tinawag niya ito at sinabi, "Pakidalhan mo naman ako ng kaunting tubig na nasa banga para maka-inom ako." 11 Habang siya ay papunta para kumuha ng tubig tinawag siya ni Elias at sinabi, "Pahingi naman ng tinapay na nasa kamay mo." 12 Sumagot siya, "Si Yahweh na iyong Diyos ay buhay, wala na akong tinapay, maliban na lang sa isang dakot ng harina at kaunting mantika sa lalagyan. Tingnan mo, namulot ako ng dalawang kahoy para lutuin ito para sa akin at sa anak ko, para kami makakain, at mamatay." 13 Sinabi ni Elias sa kaniya, "Huwag kang matakot. Pumunta ka at gawin ang sinabi mo pero magluto ka muna ng maliit na tinapay at dalhin mo sa akin. At pagkatapos magluto ka na ng para sa inyo ng anak mo. 14 Dahil sinabi ni Yahweh, na Diyos ng Israel, "Hindi mauubusan ng laman ang banga ng harina, maging ang lalagyan ng mantika ay hindi hihinto sa pagdaloy, hanggang sa magpadala si Yahweh ng ulan sa buong lupain." 15 Pagkatapos, ginawa niya ang sinabi ni Elias, at siya, si Elias at ang bata ay kumain nang maraming araw. 16 Hindi naubos ang harina sa banga maging ang mantika sa lalagyan ay hindi huminto sa pagdaloy, na siyang sinabi ni Yahweh sa pamamagitan ni Elias. 17 Pagkatapos ng mga pangyayaring ito, nagkasakit ang lalaking anak ng babae, ang babaeng may-ari ng bahay. Napakalubha ng kaniyang karamdaman na kaniyang ikinamatay. 18 Kaya sinabi ng kaniyang ina, "Ano ba ang dinala mo laban sa akin, lingkod ng Diyos? Pumunta ka ba rito para ipaalala ang aking kasalanan at patayin ang aking anak?" 19 Pagkatapos sinabi sa kaniya ni Elias, "Ibigay mo sa akin ang iyong anak." Kinuha ni Elias ang kaniyang anak at dinala sa taas ng bahay kung saan siya namamalagi, at inilapag ang bata sa higaan. 20 Tumawag siya kay Yahweh, "Yahweh aking Diyos, nagdala ka rin ba ng kapahamakan sa balo na aking tinutuluyan, at pinatay mo ang kaniyang anak?" 21 At inunat ni Elias nang tatlong beses ang kaniyang sarili sa bata; tumawag siya kay Yahweh at sinabi, "Yahweh na aking Diyos, nagmamaka-awa ako sa iyo, ibalik mo ang buhay ng batang ito." 22 Pinakinggan ni Yahweh ang tinig ni Elias; ang hininga ng bata ay bumalik sa kanya, at siya ay nabuhay muli. 23 Kinuha niya ang bata at binaba sa bahay mula sa silidat sinabi, "Tingnan mo, buhay ang iyong anak." 24 Sumagot ang babae kay Elias, "Alam ko na ngayon na ikaw ay lingkod ng Diyos, at ang salita ni Yahweh mula sa iyong bibig ay totoo."

Chapter 18

1 Kaya pagkalipas ng maraming araw ang salita ni Yahweh ay nakarating kay Elias sa ikatlong taon ng tagtuyot nagsasabing, "Elias ipakita mo ang iyong sarili kay Ahab, at magpapadala ako ng ulan sa lupain." 2 At pumunta si Elias at siya ay nagpakita kay Ahab; ngayon malubha ang taggutom sa Samaria. 3 Tinawag ni Ahab si Obadias, ang taga pangasiwa ng palasyo. Sa panahong iyon labis na pinarangalan ni Obadias si Yahweh, 4 dahil nang ipinapapatay ni Jezebel ang mga propeta ni Yahweh, sinama ni Obadias ang isandaang propeta at itinago niya sila ng tig limampo sa isang kuweba, at pinakain niya sila ng tinapay at tubig. 5 Sinabi ni Ahab kay Obadias, "Lumibot ka sa lupain sa lahat ng mga bukal ng tubig at batis. Marahil tayo ay makakahanap ng damo at maililigtas ang mga kabayo at mga asno para hindi tayo maubusan ng lahat ng hayop." 6 Kaya hinati nila ang lupaing kanilang lalakaran at humanap ng tubig. Si Ahab ay naglakad mag isa, at si Obadias ay umiba ng daan. 7 Habang si Obadias ay nasa daan, hindi inaasahan nasalubong siya ni Elias. Nakilala siya ni Obadias at nagpatirapa sa lupa. Kaniyang sinabi, " ikaw ba ito, ang panginoon kong si Elias?" 8 Sumagot si Elias, "Ako nga ito. Pumunta ka at sabihin mo sa iyong panginoon, 'Masdan narito, si Elias.' " 9 Sumagot si Obadias, "Paano ako nagkasala upang ibibigay ang iyong lingkod sa kamay ni Ahab, para patayin niya ako? 10 Si Yahweh ang iyong Diyos ay buhay, walang bansa o kaharian na kung saan ang aking panginoon ay hindi nagsugo ng kalalakihan para hanapin ka. Kapag ang isang bansa o kaharian ay nagsasabi, 'Wala rito si Elias,' pinasusumpa sila ni Ahab na hindi ka nila mahanap. 11 Pero ngayon iyong sinasabi, 'Pumunta ka, at sabihin mo sa panginoon mo na narito si Elias.' 12 Sa sandaling ako ay mawalay sa iyo, ikaw ay kaagad daldalhin ng Espiritu ni Yahweh sa isang lugar na hindi ko alam. Kapag ako ay pumunta at sabihin kay Ahab, at kung hindi ka niya makita, papatayin niya ako. Subalit ako, iyong lingkod, ay sumamba kay Yahweh mula pa sa aking kabataan. 13 Hindi ba sinabi sa inyo, aking panginoon, kung ano ang aking ginawa nang patayin ni Jezebel ang mga propeta ni Yahweh, kung paanong tinago ko ang isang daan na propeta ni Yahweh, tiglampu sa isang kuweba at pinakain ko sila ng tinapay at tubig? 14 At ngayon sinasabi mo, 'Pumunta ka at sabihin mo sa iyong panginoon na narito si Elias', kaya papatayin niya ako." 15 Sumagot si Elias, "Buhay si Yahweh ng mga hukbo, sa harapan niya ako ay nakatayo, tinitiyak ko na ipapakita ko ang aking sarili kay Ahab ngayon." 16 Kaya si Obadias ay nagpunta para makipagkita kay Ahab; sinabi niya sa kaniya, at nagpunta si Ahab para makipagkita kay Elias. 17 Nang makita ni Ahab si Elias, sinabi niya sa kaniya, "ikaw ba ito, ikaw na gumagawa ng kaguluhan sa Israel?" 18 At sumagot si Elias, "Hindi ko ginulo ang Israel, pero ikaw at ang sambahayan ng iyong ama ang nanggugulo sa pamamagitan ng pagtalikod sa mga utos ni Yahweh at sa pagsunod sa mga diyus-diyosan ni Baal. 19 Kaya ngayon, magpasabi ka at tipunin sa akin ang buong Isarel sa Bundok Carmelo, kasama ang 450 propeta ni Baal at apat na raang propeta ni Asera, na kumakain sa lamesa ni Jezebel." 20 Kaya nagpasabi si Ahab sa lahat ng tao sa Israel at tinipon ang mga propetang magkakasama sa Bundok Carmelo. 21 Si Elias ay lumapit sa lahat ng tao at sinabi niya, "Gaano katagal ninyong babaguhin ang inyong kaisipan? Kung si Yahweh ay Diyos, sumunod kayo sa kaniya. Ngunit kung si Baal ay Diyos, sundin siya." Subalit ang mga tao ay hindi sumagot sa kaniya kahit isang salita. 22 Pagkatapos sinabi ni Elias sa mga tao, "Ako, ako lamang, ang natitira bilang propeta ni Yahweh, pero ang mga propeta ni Baal ay 450 kalalakihan. 23 Kaya hayaang bigyan nila tayo ng dalawang toro. Hayaan silang pumili ng isang toro para sa kanilang sarili at putulin ito ng pira-piraso, at ilalatag sa kahoy, pero huwag lalagyan ng apoy sa ilalim nito. Pagkatapos ihahanda ang isang pang toro at ilalatag sa kahoy, at huwag lalagyan ng apoy sa ilalim nito. 24 Pagkatapos tatawagin ninyo ang pangalan ng inyong diyos, at ako ay tatawag sa pangalan ni Yahweh, at ang Diyos na sasagot sa pamamagitan ng apoy, siya ang magiging Diyos." Kaya ang lahat ng tao ay sumagot, at sinabi, "Mabuti ito." 25 Kaya sinabi ni Elias sa mga propeta ni Baal, "Pumili kayo ng isang toro para sa inyo at mauna na itong ihanda, dahil kayo ay marami. Pagkatapos tumawag kayo sa inyong diyos, pero huwag ninyong lagyan ng apoy ang ilalim ng toro." 26 At kanilang kinuha ang toro na nakalaan sa kanila at inihanda ito, at tinawag ang pangalan ni Baal mula umaga hanggang sa katanghaliang tapat, sinasabi, "Baal, pakinggan mo kami. "Pero walang tinig, o sinumang sumagot. Sila ay nagsayaw sa paligid ng altar na kanilang ginawa. 27 Sa kinatanghalian tapat kinutya sila ni Elias at sinabi, "Sumigaw kayo ng malakas! Siya ay diyos! Marahil siya ay nagiisip, o siya ay nasa palikuran, o siya ay nasa isang paglalakbay, o marahil siya ay natutulog at dapat siyang gisingin. 28 "Kaya sila ay sumigaw pa ng mas malakas, at hiniwa nila ang kanilang sarili, tulad ng kanilang ginagawa, gamit ang mga espada at mga sibat, hanggang sa umagos ang dugo sa kanilang sarili. 29 Lumipas ang tanghaling tapat, at sila ay nahihibang pa rin hanggang sa oras ng pag-aalay handog na pang gabi, pero walang boses o sinumang sumasagot; wala kahit sino ang nagbigay pansin sa kanilang mga pagsusumamo. 30 Pagkatapos sinabi ni Elias sa lahat ng tao, "Lumapit kayo sa akin," at ang lahat ng tao ay lumapit sa kaniya. Pagkatapos kaniyang inayos ang altar ni Yahweh na nasira. 31 Kumuha si Elias ng labing dalawang bato, ang bawat bato na kumakatawan sa mga lipi ng mga anak ni Jacob -- ito ay kay Jacob na ang salita ni Yahweh ay dumating, sinasabi, Israel ang magiging iyong pangalan." 32 Sa pamamagitan ng mga bato ay kaniyang tinayo ang altar sa pangalan ni Yahweh, at humukay siya ng isang kanal sa palibot ng altar na ang laki tama lang para magkasya ang dalawang salop na mga binhi. 33 Pagkatapos kaniyang inilagay ang kahoy para sa apoy at ang toro ay pinutol sa piraso, at ipinatong ang mga pira-piraso sa ibabaw ng kahoy. At kaniyang sinabi,"Punuin ninyo ang apat na tapayan ng tubig at ibuhos ninyo sa handog na susunugin at sa kahoy." 34 At kaniyang sinabi, "Gawin ninyo ito ng pangalawang ulit," at kanilang ginawa ito sa pangalawang ulit, pagkatapos sinabi niya, "Gawin ninyo ito sa pangatlong ulit," at kanilang ginawa ito sa pangatlong ulit. 35 Ang tubig ay umagos sa palibot ng altar at napuno ang kanal. 36 Ito ang naganap sa oras ng pag-aalay ng pang gabing handog, si Elias na propeta ay lumapit at sinabi, " Yahweh, na Diyos ni Abraham, ni Isaac, at ng Israel, hayaang malaman sa araw na ito na ikaw ang Diyos sa Israel, at ako ang iyong lingkod, at aking ginagawa ang lahat ng bagay sa iyong salita. 37 Pakinggan mo ako, O Yahweh, pakinggan mo ako, para malaman ng mga tao na ikaw, Yahweh, ay Diyos, at iyong ibabalik muli ang kanilang puso sa iyong sarili." 38 Pagkatapos kaagad ang apoy ni Yahweh ay bumaba, at tinupok ang handog na susunugin, maging ang kahoy, ang mga bato, at ang lupa, at tinuyo ang tubig na nasa kanal. 39 Nang makita ng buong bayan ito, sila ay nagpatirapa sa lupa at sinabi, "Si Yahweh, siya ay Diyos! Si Yahweh, siya Diyos!" 40 Kaya sinabi ni Elias sa kanila, "Dalhin ninyo ang mga propeta ni Baal. Huwag hayaang makatakas ni isa sa kanila"> Kaya kinuha sila, at dinala ni Elias ang mga propeta ni Baal sa ibaba ng batis ng Cison at pinatay sila roon. 41 Sinabi ni Elias kay Ahab, "Bumangon ka, kumain at uminom, sapagkat may ingay ng malakas na ulan. 42 Kaya si Ahab ay bumangon para kumain at para uminom. Pagkatapos si Elias ay nagpunta sa tuktok ng Carmelo, siya ay yumukod sa lupa, at inilagay ang kaniyang mukha sa pagitan ng kaniyang mga tuhod. 43 Kaniyang sinabi sa kaniyang lingkod, "Pumanhik ka ngayon, tumingin ka sa gawing dagat." Ang kaniyang lingkod ay pumanhik at tumingin at sinabi, "Wala naman." Kaya sinabi ni Elias, "Pumunta ka muli, ng pitong ulit." 44 Sa ikapitong ulit sinabi ng lingkod, "Tingnan mo, may isang ulap na umakyat mula sa dagat, na kasingliit ng kamay ng isang tao." Sumagot si Elias, "Pumunta ka at sabihin mo kay Ahab, 'Ihanda mo ang iyong karwahe, at bumaba bago ka mapigilan ng ulan.' " 45 Di nagtagal ito ay nangyari na ang kalangitan ay nagdilim sa mga ulap at hangin, at bumuhos ng napakalakas na ulan. Sumakay si Ahab at nagpunta kay Jezreel, 46 pero ang kamay ni Yahweh ay na kay Elias. Sinuksok niya ang kaniyang balabal sa kaniyang sinturon at naunang tumakbo kay Ahab sa pasukan ng Jezreel.

Chapter 19

1 Sinabi ni Ahab kay Jezebel ang lahat ng ginawa ni Elias, at kung paano niya pinatay ang lahat ng mga propeta sa pamamagitan ng espada. 2 Pagkatapos nagpadala si Jezebel ng isang mensahero kay Elias, na nagsasabing, "Nawa'y gawin sa aking ng mga diyos, ang higit pang masama, kung hindi ko gagawin ang buhay mo tulad ng buhay ng isa sa mga patay na propeta sa ganitong oras bukas." 3 Nang marinig iyon ni Elias, bumangon siya at umalis para sa kaniyang buhay at pumuta sa Beer-seba, na bahagi ng Juda, at iniwan ang kaniyang mga lingkod doon. 4 Pero mag-isa lamang siyang naglakbay ng isang araw patungo sa ilang, at dumating at umupo siya sa ilalim ng isang puno ng retama. Hiniling niya para sa kaniyang sarili na maaari na siyang mamatay, at sinabing, "Sobra na ito, Yahweh; kunin mo na ang aking buhay, dahil hindi ako higit kaysa sa aking mga patay na ninuno" 5 Kaya humiga siya at natulog sa ilalim ng puno ng retama; sa hindi inaasahan isang anghel ang humawak sa kaniya at sinabi sa kaniya, "Bumangon ka at kumain." 6 Tumingin si Elias, at malapit sa kaniyang ulunan ay mayroong tinapay na niluto sa uling at isang pitsel ng tubig. Kaya kinain niya ito at ininom at muling humiga. 7 Sa pangalawang pagkakataon muling bumalik ang anghel ni Yahweh at hinawakan siya at sinabi, "Bumangon ka at kumain, dahil ang iyong paglalakbay ay higit na mas mahirap para sa iyo." 8 Kaya siya ay tumayo at kumain at uminom, at naglakbay siya sa lakas na mula sa pagkain sa apatnapung araw at apatnapung gabi sa Horeb, na bundok ng Diyos. 9 Nagpunta siya sa kuweba doon at nanatili roon. Pagkatapos dumating ang salita ni Yahweh sa kaniya at sinabi sa kaniya, "Ano ang ginagawa mo dito Elias?" 10 Sumagot si Elias, "Naging napakamasigasig ako para sa iyo Yahweh, Diyos ng mga hukbo, para sa bayan ng Israel na tinalikuran ang iyong tipan, sinira ang iyong mga altar, at pinatay ang iyong mga propeta sa pamamagitan ng espada. Ngayon ako, ako nalang, ang natira at gusto nila akong patayin." 11 Sumagot si Yahweh, "Lumabas ka at tumayo sa bundok sa aking harapan." Pagkatapos dumaan si Yahweh, at isang napakalakas na hangin ang humampas sa mga bundok at pinagpira-piraso ang mga bato sa harapan ni Yahweh, pero si Yahweh ay wala sa hangin. Pagkatapos ng malakas na hangin, isang lindol ang dumating, pero wala si Yahweh sa lindol. 12 Pagkatapos ng lindol isang apoy ang dumating, pero si Yahweh ay wala sa apoy. Pagkatapos ng apoy, isang maliit na boses ang dumating. 13 Nang marinig ni Elias ang boses, binalot niya ang kaniyang mukha ng kaniyang balabal, lumabas, at tumayo sa pasukan ng kuweba. Pagkatapos isang boses ang dumating sa kaniya na nagsabing, "Ano ang ginagawa mo dito Elias?" 14 Sumagot si Elias, "Naging napakamasigasig ako para sa iyo Yahweh, Diyos ng mga hukbo, dahil ang bayan ng Israel ay tinalikuran ang iyong tipan, sinira ang iyong mga altar, at pinatay ang iyong mga propeta sa pamamagitan ng espada. Ngayon mag-isa nalang akong natira at gusto nilang akong patayin." 15 Pagkatapos sinabi sa kaniya ni Yahweh, "Bumalik ka sa daan patungo sa ilang ng Damasco, at kapag nakarating ka doon itatalaga mo si Hazael bilang hari ng Aram, 16 at itatalaga mo si Jehu anak ni Nimshi na maging hari sa Israel, at itatalaga mo si Eliseo anak na lalaki ni Shafat ng Abel Mehola na maging propeta kapalit mo. 17 Mangyayari na papatayin ni Jehu ang sinumang makakatakas mula sa espada ni Hazael, at papatayin ni Eliseo ang sinumang makakatakas mula sa espada ni Jehu. 18 Pero mag-iiwan ako para sa aking sarili ng pitong libong mamamayan ng Israel, na ang mga tuhod ay hindi pa lumuluhod kay Baal, at ang mga bibig ay hindi pa humahalik sa kaniya." 19 Kaya umalis si Elias mula roon at natagpuan si Eliseo anak na lalaki ni Shafat, na nag-aararo ng labindalawang pamatok na mga baka sa kaniyang harapan, at siya ang nag-aararo sa ika-labindalawang pamatok. Lumakad si Elias papalapit kay Eliseo at binalot ang dulo ng kaniyang balabal sa kaniya. 20 Pagkatapos iniwan ni Eliseo ang mga baka at sumunod kay Elias; sinabi niya, "Pakiusap hayaan mong humalik ako sa aking ama at aking ina, at pagkatapos ako ay susunod sa iyo." Pagkapos sinabi ni Elias sa kaniya, "Bumalik ka, pero isipin mo kung ano ang ginawa ko sa iyo." 21 Kaya bumalik si Eliseo mula kay Elias at inalis ang ang pamatok ng mga baka, pinatay ang mga hayop, niluto ang karne sa pamamagitan ng kahoy mula sa pamatok ng baka at pagkatapos binigay niya ito sa mga tao at kanilang kinain. Pagkatapos tumayo siya, at sumunod kay Elias, at naglingkod siya sa kaniya.

Chapter 20

1 Sama-samang tinipon ni Ben Hadad ang hari sa Aram ang kaniyang buong hukbo; kung saan tatlumput dalawang mabababang hari na kasama niya, at mga kabayo at mga karwaheng pandigma. Siya ay nagpunta, at kinubkob ang Samaria, at nakipaglabanan dito. 2 Siya ay nagpadala ng mga mensahero sa lungsod kay Ahab sa hari ng Israel, at sinabi sa kaniya, "Sinasabi ito ni Ben Hadad: 3 Ang iyong pilak at ang iyong ginto ay akin. Gayon din ang iyong asawa at ng inyong mga anak, ang mga pinakamahusay, ay akin na ngayon."' 4 Ang hari ng Israel ay sumagot at sinabi, "Ito ay ayon sa iyong sinasabi, panginoon ko, aking hari. Ako at lahat ng akin ay sa iyo." 5 Ang mga mensahero ay bumalik at sinabi, "Sinasabi ito ni Ben Hadad, 'Nagpadala ako ng liham sa iyo na nagsasabing kailangang ibigay mo sa akin ang iyong mga pilak, iyong mga ginto, ang iyong mga asawa, at iyong mga anak. 6 Pero ipadadala ko sa iyo ang aking mga lingkod kinabukasan sa ganitong oras, at kanilang hahalughugin ang iyong bahay at ang mga bahay ng iyong mga lingkod. Kukunin nila sa sarili nilang mga kamay at aalisin anuman ang magustuhan ng kanilang mga mata."' 7 Sama-samang tinawag ng hari ng Israel ang lahat ng mga nakatatanda sa lupain at sinabi, "Pakiusap pansinin at tingnan kung paano ang taong ito ay humahanap ng gulo. Siya ay nagpasabi sa akin para kunin aking mga asawa, mga anak, at pilak at ginto, at hindi ako tumatanggi sa kaniya." 8 Lahat ng mga nakatatanda at lahat ng tao sinabi kay Ahab, Huwag mong siyang pakinggan o pag bigyan sa kanilang mga hinihingi." 9 Kaya sinabi ni Ahab sa mga mensahero ni Ben Hadad, "Sabihin sa aking panginoon ang hari, ''Sang-ayon sa lahat ng sinabi na iyong lingkod ng una, pero hindi ko matatanggap itong pangalawang hinihiling."' Kaya ang mensahero ay umalis at ibinalik ang sagot kay Ben Hadad. 10 Pagkatapos si Ben Hadad ay nagpadala ng kaniyang sagot kay Ahab, at sinabi, "Gawin nawa ng mga diyos ito sa akin at mas higit pa, kahit na ang mga abo ng Samaria ay magiging sapat para sa lahat ng tao na susunod sa akin upang magkaroon ang bawat isa ng isang dakot." 11 Ang hari ng Israel ay sumagot at sinabi, "Sabihin ninyo kay Ben Hadad, 'Walang sinuman ang nagsusuot ng baluti ang kailangan magyabang na para itong kaniya nang hinuhubad.' " 12 Narinig ni Ben Hadad ang mensaheng ito habang sila ay nag-iinuman, siya at ang mga hari sa ilalim niya na nasa kanilang mga tolda. Inutusan ni Ben Hadad ang kaniyang mga tauhan, "Ihanay ninyo ang inyong mga sarili sa pakikidigma." Kaya inihannda nila ang kanilang sarili sa pakikidigma para lusubin ang lungsod. 13 Masdan, isang propeta ay lumapit kay Ahab hari ng Israel at sinabi, "sinasabi ni Yahweh, 'Nakita mo ba ang lubhang napakaraming hukbo? Tingnan mo, aking ibibigay ito sa iyong kamay sa araw na ito, at iyong makikilala na ako si Yahweh." 14 Sumagot si Ahab, "Sa pamamagitan nino?" Sumagot at sinasabi ni Yahweh, "Sa pamamagitan ng mga batang opisyal na naglingkod sa gobernador sa mga lalawigan." Pagkatapos sinabi ni Ahab, "Sino ang magsisimula ng labanan? Sumagot si Yahweh, "Ikaw." 15 Pagkatapos tinipon ni Ahab ang mga batang pinuno na naglilingkod sa gobernador sa mga lalawigan. Sila ay 232. Pagkatapos ay kaniyang tinipon ang lahat ng mga sunadalo, ang lahat ng hukbo ng Israel, na may bilang na pitong libo. 16 Sila ay umalis ng tanghaling tapat. Si Ben Hadad ay umiinom at lasing sa loob ng kaniyang tolda, siya at ang tatlongput dalawang mas mababang mga hari na tumutulong sa kaniya. 17 Ang mga batang pinuno na naglilingkod sa gobernador sa mga lalawigan ang unang lumusob. Pagkatapos ipinaalam kay Ben Hadad ng mga taga-manman na kaniyang ipinidala, "May mga lalaking dumarating mula sa Samaria." 18 Sinabi ni Ben Hadad, "Maging sila ay lalabas para sa kapayapaan o digmaan, kunin sila ng buhay." 19 Kaya ang mga batang pinuno na naglilingkod sa lalawigan ng gobernador ay lumabas ng lungsod, at ang mga hukbo ay sumunod sa kanila. 20 Pinatay ng bawat isa ang kaniyang kalaban, at ang mga Aramina ay tumakas; Hinabol sila ng Israel. Si Ben Hadad ang hari ng Aram ay tumakas na nakasakay ng kabayo kasama ang mga ilang mangangabayo. 21 Pagkatapos ang hari ng Israel ay lumabas at sinalakay ang mga kabayo at mga karwaheng pandigma at pinatay ang mga maraming Aramean. 22 Kaya ang propeta ay lumapit sa hari ng Israel at sinabi sa kaniya, "Umalis ka, at palakasin ang iyong sarili, at unawain at planuhin ano ang iyong ginagawa, dahil sa pagbabalik ng taon ang hari ng Aram ay babalik muli laban sa iyo." 23 Sinabi ng mga lingkod ng hari ng Aram sa kaniya, "Ang kanilang diyos ay isang diyos sa mga burol. Kaya sila ay malakas kaisa sa atin. Pero ngayon labanan natin sila sa kapatagan, at sigurado doon magiging mas malakas tayo sa kanila. 24 At gawin mo din ito, alisin mo ang mga hari ang bawat isa sa kanilang pinamumunuan, sa kani-kaniyang tungkulin, at maglagay ka ng kapitan ng hukbo na kapalit nila. 25 Mag-ipon ka ng isang hukbo gaya ng hukbo mong nawala, kabayo para sa kabayo at karwaheng pandigma para sa karwaheng pandigma, at tayo ay lalaban sa kanila sa kapatagan. kaya sigurado tayo ay magiging malakas kaysa sa kanila." Kaya si Ben Hadad ay nakinig sa kanilang payo at ginawa niya ang minungkahi nila. 26 Makaraan ang simula ng bagong taon, Tinipon ni Ben Hadad ang mga Aramean at nagpunta sa Aphek para labanan ang Israel. Ang bayan ng Israel ay tinipon at inarmasan para kalabanin sila. 27 Ang bayan ng Israel ay nag-kampo sa harapan nila gaya ng dalawang kawan ng kambing, pero ang kabukiran ay napuno ng mga Aramean. 28 Pagkatapos isang lingkod ng Diyos ang lumapit at nagsalita sa hari ng Israel at sinabi, "Sinasabi ni Yahweh: 'Dahil sinabi ng mga Aramean na si Yahweh ay diyos ng mga burol, pero hindi siya ang diyos sa mga lambak, ilalagay ko sa iyong kamay ang malakas na hukbong ito, at inyong malalaman na ako si Yahweh."' 29 Kaya ang mga hukbo ay nagkampo ng magkatapat ng pitong araw. Pagkatapos sa ikapitong araw ay sinimulan ang labanan. Ang bayan ng Israel ay pumatay ng isang daang libong hukbo ng Aramea sa loob ng isang araw. 30 Ang natira ay tumakas sa Aphek, sa loob ng lungsod, at nabagsakan ng pader ang dalawangput pitong libong sundalo na natira. At tumakas si Ben Hadad at nagpunta sa loob ng lungsod, sa loob ng isang silid. 31 Sinabi ng mga lingkod kay Ben Hadad, "Tingnan mo ngayon, narinig namin na ang mga hari ng sambahayan ng Israel ay maawaing mga hari. Pakiusap hayaan ninyo kaming maglagay ng sako sa aming mga baywang at lubid sa aming mga ulo at pumunta sa hari ng Israel. Marahil maari ka pa niyang buhayin. 32 Kaya naglagay sila ng sako sa kanilang baywang at lubid sa kanilang mga ulo at pagkatapos pumunta sila sa hari ng Israel at sinabi, " Sinabi ng iyong lingkod na si Ben Hadad, 'Pakiusap hayaan mo akong mabuhay."' Sinabi ni Ahab, "Siya ba ay buhay pa? Siya ay aking kapatid." 33 Ngayon ang mga lalaki ay nakikinig sa anumang palatandaan mula kay Ahab, kaya sila ay mabilis na sumagot sa kaniya, "Oo, ang iyong kapatid na si Ben Hadad ay buhay pa." Pagkatapos sinabi ni Ahab, "Umalis ka at dalhin siya." Pagkatapos si Ben Hadad pumunta sa kaniya, at pinasakay siya ni Ahab sa kaniyang karwahe. 34 Sinabi ni Ben Hadad kay Ahab, "Aking ibabalik sa iyo ang lungsod na kinuha ng aking ama mula sa iyong ama, at ikaw ay maaring gagawa para sa iyong sarili ng mga pamilihan sa Damasco, gaya ng ginagawa ng aking ama sa Samaria." Sumagot si Ahab, "Hahayan kitang lumaya dahil sa kasunduang ito." Kaya gumawa ng kasunduan si Ahab sa kaniya at hinayaan siyang umalis. 35 May isang lalaki, isa sa mga anak ng propeta, sinabi sa kaniyang kapwa propeta sa pamamagitan ng salita ni Yahweh, "Pakiusap saktan mo ako." Pero ang lalaki ay tumangging saktan siya. 36 Pagkatapos sinabi ng propeta sa kaniyang kapwa propeta, "Dahil hindi mo sinunod ang tinig ni Yahweh, sa sandaling iwanan mo ako, isang leon ang papatay sa iyo." At sandaling iniwan siya ng lalaking iyon, isang leon ang nakatagpo sa kaniya at pinatay siya. 37 Pagkatapos nakatagpo ang propeta ng isa pang lalaki at sinabi, "Pakiusap saktan mo ako." Kaya sinaktan siya ng lalaki at sinugatan siya. 38 Pagkatapos ang propeta ay umalis at hinintay ang hari sa daan; siya ay nagpanggap na may isang benda sa kaniyang mga mata. 39 At nang dumaan ang hari, sinigawan ng propeta ang hari at sinabi, "Ang iyong lingkod ay nagmula sa kainitan ng labanan, at isang sundalo ang huminto at nagdala ng isang kalaban sa akin at sinabi, 'Bantayan mo ang taong ito. Kung sa anumang paraan ay makatakas siya, sa gayon ang iyong buhay ay magiging kapalit ng kaniyang buhay, kung hindi magbabayad ka ng isang talentong pilak.' 40 Pero dahil ang iyong lingkod ay abala parito at paroon, ang iyong kalabang sundalo ay nakatakas." Pagkatapos sinabi ng hari ng Israel sa kaniya, ito ang iyong magiging kaparusahan - ikaw mismo ang nagtakda nito. 41 Pagkatapos nagmamadaling inalis ng propeta ang benda ng kaniyang mga mata, at nakilala siya ng hari ng Israel na siya ay isa sa mga propeta. 42 Sinabi ng propeta sa hari, "Sinasabi ni Yahweh, 'Dahil nakawala sa iyong kamay ang lalake na aking hinatulan ng kamatayan, ang iyong buhay ay magiging kapalit ng kaniyang buhay, at ang iyong bayan para sa kaniyang bayan."' 43 Kaya ang hari ng Israel ay umuwi sa kaniyang bahay ng nagdaramdam at galit, at nagpunta sa Samaria.

Chapter 21

1 Dumating ang araw na si Nabot ang taga-Jezreel ay nagkaroon ng ubasan sa Jezreel, malapit sa palasyo ni Ahab, hari ng Samaria. 2 Nakipag-usap si Ahab kay Nabot, sinasabing, "Ibigay mo sa akin ang iyong ubasan, para magkaroon ako ng hardin para sa gulay, dahil malapit ito sa aking bahay. Bilang kapalit, bibigyan kita ng mas magandang ubasan, o, kung gusto mo, babayaran ko ang halaga nito sa pera." 3 Sumagot si Nabot kay Ahab, "Nawa'y ipagbawal ni Yahweh na dapat kong ibigay sa iyo ang lupain na ipinamana ng aking mga ninuno." 4 Kaya umuwi si Ahab sa kaniyang palasyo nagdadamdam at galit dahil sa sagot na ibinigay sa kaniya ni Nabot na taga-Jezreel, "Hindi ko ibibigay sa iyo ang ipinamana ng aking mga ninuno." Humiga siya sa kaniyang higaan, ibinaling ang kaniyang mukha, at tumangging kumain ng kahit anong pagkain. 5 Pinuntahan siya ng kaniyang asawang si Jezebel at sinabi sa kaniya, "Bakit napaka lungkot ng iyong puso, kaya ba hindi ka kumain ng pagkain?" 6 Sumagot siya sa kaniya, "Nakipag-usap ako kay Nabot na taga-Jezreel at sinabi ko sa kaniya, 'Ibigay mo sa akin ang iyong ubasan kapalit ng pera, o kung ikalulugod mo, bibigyan kita ng ibang ubasan na magiging iyo.' At sumagot siya, 'Hindi ko ibibigay sa iyo ang aking ubasan.'" 7 Kaya sumagot ang kaniyang asawang si Jezebel, "Hindi ba't pinamumunuan mo pa rin ang kaharian ng Israel? Bumangon ka at kumain; hayaan mo ang iyong puso na magsaya. Kukunin ko ang ubasan ni Nabot na taga-Jezreel para sa iyo." 8 Kaya sumulat si Jezebel ng mga liham sa pangalan ni Ahab, sinelyuhan ito ng kaniyang mga selyo, at pinadala ito sa mga nakatatanda at sa mayayaman na nakaupo na kasama niya sa mga pagpupulong, at sa naninirahan malapit kay Nabot. 9 Kaniyang isinulat sa liham, "Maghayag ng isang pag-aayuno at iupo si Nabot ng mataas sa mga tao. 10 Maglagay ng dalawang lalaking hindi tapat kasama niya at hayaan silang tumestigo laban sa kaniya, na magsasabing, 'Sinumpa mo ang Diyos at ang hari.'" At ilabas ninyo siya at pagbabatuhin hanggang mamatay. 11 Kaya ang mga tao sa kaniyang lungsod, ang mga nakatatanda at ang mayayaman na naninirahan sa kaniyang lungsod, ay ginawa ang inilarawan ni Jezebel sa kanila, gaya ng nasusulat sa mga liham na kaniyang pinadala sa kanila. 12 Naghayag sila ng isang pag-aayuno at inupo si Nabot ng mataas sa mga tao. 13 Dumating ang dalawang lalaki at umupo sa harapan ni Nabot; tumestigo sila laban kay Nabot sa presensya ng mga tao, na nagsasabing, "Isinumpa ni Nabot ang Diyos at ang hari." Pagkatapos siya ay nilabas nila sa lungsod at pinagbabato hangggang siya ay mamatay. 14 Pagkatapos ang mga nakatatanda ay nagpadala ng ulat kay Jezebel na nagsasabing, "Pinagbabato si Nabot at ngayon ay patay na. 15 At nang marinig ni Jezebel na si Nabot ay pinagbabato at patay na, sinabi niya kay Ahab, "Bumangon ka at kunin ang ubasan ni Nabot na taga-Jezreel, na kaniyang tinangging ibigay sa iyo kapalit ng pera, dahil si Nabot ay hindi na buhay, pero patay na." 16 Nang marinig ni Ahab na patay na si Nabot, bumangon siya at bumaba sa ubasan ni Nabot na taga-Jezreel at kinuha ito. 17 Pagkatapos ang salita ni Yahweh ay dumating kay Elias na taga-Tisbe, na nagsasabing, 18 "Bumangon ka at makipagkita kay Ahab na hari ng Israel, na naninirahan sa Samaria. Siya ay nasa ubasan ni Nabot, kung saan siya nagpunta para kunin ito. 19 Dapat kang makipag-usap sa kaniya at sabihin na sinasabi ni Yahweh, 'Pumatay ka ba at nagkamkam ng ari-arian?' At sasabihin mo sa kaniya na sinasabi ni Yahweh, 'Sa lugar kung saan dinilaan ng mga aso ang dugo ni Nabot, didilaaan ng mga aso ang iyong dugo, oo, ang iyong dugo.' 20 Sinabi ni Ahab kay Elias, "Natagpuan mo ba ako, aking kaaway?" Sumagot si Elias, "Natagpuan kita, dahil ipinagbili mo ang iyong sarili para gumawa ng kung ano ang masama sa paningin ni Yahweh. 21 Sinasabi ito sa iyo ni Yahweh: 'Masdan mo, magdadala ako sa iyo ng sakuna at lubos na uubusin at kukunin mula sa iyo ang bawat batang lalaki at alipin at malayang lalaki sa Israel. 22 Ang pamilya mo ay gagawin kong tulad sa pamilya ni Jeroboam anak ni Nebat, at tulad ng pamilya ni Baasa anak ni Ahias, dahil ginalit mo ako at inakay ang Israel na magkasala.' 23 Nagsalita rin si Yahweh ukol kay Jezebel, na nagsasabing, 'Kakainin ng mga aso si Jezebel sa pader ng Jezreel.' 24 Sinumang nabibilang kay Ahab at ang mamamatay sa lungsod—kakainin ng aso ang taong iyon. At sinumang mamamatay sa bukid—kakainin ang taong iyon ng mga ibon sa himpapawid." 25 Walang katulad si Ahab, na ibinenta ang kaniyang sarili para gumawa ng kasamaan sa paningin ni Yahweh, na kaniyang asawa na si Jezebel ay inudyukan na magkasala. 26 Gumawa si Ahab ng nakasusuklam na mga gawain para sa mga diyus-diyosang kaniyang sinundan, tulad nalang ng ginawa ng mga taga-Amoreo, silang mga inalis ni Yahweh sa harapan ng bayan ng Israel. 27 Nang marinig ni Ahab ang mga salitang ito, pinunit niya ang kaniyang kasuotan at nagsuot ng damit na sako sa kaniyang katawan at nag-ayuno, at nahiga na nakadamit ng sako at naging labis na malungkot. 28 Pagkatapos ang salita ni Yahweh ay dumating kay Elias na taga-Tisbe, na nagsasabing, 29 "Nakita mo ba kung paano ibinaba ni Ahab ang kaniya sarili sa aking harapan? Dahil ibinaba niya ang kaniyang sarili sa aking harapan, hindi ko na dadalhin ang darating na sakuna sa kaniyang panahon; dadalhin ko ang sakunang ito sa panahon ng kaniyang anak na lalaki at sa kaniyang pamilya."

Chapter 22

1 Lumipas ang tatlong taon na walang digmaan sa pagitan ng Aram at Israel. 2 Pagkatapos nangyari ito sa ikatlong taon, si Jehoshafat hari ng Judah ay pumunta sa hari ng Israel. 3 Ngayon sinabi ng hari ng Israel sa kaniyang mga lingkod, "Alam ba ninyo na sa atin ang Ramot Galaad, pero wala tayong ginagawa para makuha ito mula sa kamay ng hari ng Aram?" 4 Kaya sinabi niya kay Jehoshafat, "Sasama ka ba sa akin sa pakikidigma sa Ramot Galaad?" Sumagot si Jehoshafat sa hari ng Israel, "Ako ay tulad mo, ang aking bayan ay tulad ng iyong bayan, at aking mga kabayo ay tulad ng iyong mga kabayo. 5 Sinabi ni Jehoshafat sa hari ng Israel, "Pakiusap humingi ka ng gabay mula sa salita ni Yahweh kung ano ang dapat mong unang gawin." 6 Pagkatapos pinagtipon-tipon ng hari ng Israel ang mga propeta, na apat na daang mga lalaki, at sinabi sa kanila, "Dapat ba akong pumunta sa Ramot Galaad para makipaglaban, o hindi dapat?" Sinabi nila, "Lumusob tayo, dahil ilalagay ito ng Panginoon sa kamay ng hari." 7 Pero sinabi ni Jehoshafat "Wala na bang iba pang propeta ni Yahweh kung saan maaaring tayo makakuha ng payo?" 8 Sinabi ng hari ng Israel kay Jehoshafat, "Mayroon pang isang tao na maaari tayong manghingi ng payo mula kay Yahweh para tulungan tayo, si Micaya anak ni Imla, pero ayoko sa kaniya dahil hindi siya nagpropesiya ng kahit anong magandang bagay tungkol sa akin, kundi mga kahirapan lamang." Pero sinabi ni Jehoshafat, "Nawa'y hindi ito sabihin ng hari" 9 Pagkatapos ang hari ng Israel ay tumawag ng opisyal at nag-utos na "Ngayon din ay dalhin si Micaya anak ni Imla." 10 Ngayon si Ahab na hari ng Israel at si Jehoshafat na hari ng Juda ay nakaupo sa kanilang trono, nakasuot ng kanilang kasuotang pang hari, sa isang malawak na lugar sa tarangkahan ng Samaria, at lahat ng mga propeta ay nagsasabi ng hula sa kanilang harapan. 11 Gumawa si Zedekias anak na lalaki ni Caanana ng mga sungay na bakal at sinabi, "Ito ang sinasabi ni Yahweh: 'Sa pamamagitan ng mga ito mapapaatras ninyo ang mga Arameo hanggang sila ay maubos." 12 At pareho ang ipinahayag ng lahat ng mga propeta na sinasabi, "Lusubin natin ang Ramot Galaad at mananalo, dahil ibinigay ito ni Yahweh sa kamay ng hari." 13 Ang mensahero na nagpunta para tawagin si Micaya ay sinabi sa kaniya, "Ngayon masdan mo, ang mga salita ng mga propeta ay naghahayag ng magagandang bagay sa hari sa iisang bibig. Hayaan ang iyong mga salita ay maging tulad ng isa sa kanila at magsabi ng magagandang bagay." 14 Sumagot si Micaya, "Habang nabubuhay si Yahweh, ito ang sinasabi niya sa akin na aking sasabihin." 15 Nang lumapit siya sa hari, sinabi sa kaniya ng hari, "Micaya, dapat ba kaming pumunta sa Ramot Galaad upang makipaglaban, o hindi?' Sumagot si Micaya, "Lumusob tayo at manalo. Ilalagay ito ni Yahweh sa kamay ng hari." 16 Pagtapos sinabi sa kaniya ng hari, "Gaano karaming beses ko ba dapat ipag-utos sa iyo na katotohanan lamang ang sasabihin sa akin sa pangalan ni Yahweh?" 17 Kaya sinabi ni Micaya, "Nakita ko ang lahat ng mga Israelita na nagkalat sa mga kabundukan, tulad ng mga tupa na walang pastol, at sinabi ito ni Yahweh, 'Walang pastol ang mga ito. Pabakilin ang bawat tao sa kanilang mga tahanan ng payapa."' 18 Kaya sinabi ng hari ng Israel kay Jehoshafat, "Hindi ba't sinabi ko na sa iyo na hindi siya magsasabi ng magandang pahayag tungkol sa akin, puro kapahamakan lamang?" 19 Pagkatapos sinabi ni Micaya, "Gayuman pakinggan ang salita ni Yahweh: Nakita ko si Yahweh na nakaupo sa kaniyang trono, at lahat ng hukbo sa langit ay nakatayo sa tabi niya sa kaniyang kanang kamay at sa kaniyang kaliwa. 20 Sinabi ni Yahweh, 'Sino ang mag-uudyok kay Ahab, para siya ay maaaring lumusob at matalo sa Ramot-Galaad?' at may isang sumagot sa ganitong paraan, at sumagot ang isa pa sa ganoong paraan. 21 Pagkatapos isang espiritu ang lumapit, tumayo sa harapan ni Yahweh, at sinabi, 'Ako ang mag-uudyok sa kaniya.' Sinabi sa kaniya ni Yahweh, 'Paano?' 22 Sumagot ang espiritu, 'Lalabas ako at magiging isang mapanlinlang na espiritu sa bibig ng lahat ng kaniyang mga propeta.' Sumagot si Yahweh, 'Uudyukan mo siya, at ikaw rin ay magtatagumpay. Pumunta ka na ngayon at gawin iyon.' 23 Ngayon masdan mo, inilagay ni Yahweh ang mapanlinlang na espiritu sa lahat ng bibig nitong mga propeta mong ito, at si Yahweh ay naghanda ng pagkawasak para sa iyo." 24 Pagkatapos si Zedekias anak na lalaki ni Cananaa, ay umakyat, sinampal si Micaya sa pisngi, at sinabi, "Aling daan ang tinahak ng Espiritu ni Yahweh para umalis sa akin upang magsalita sa iyo?" 25 Sumagot si Micaya, "Masdan ito, malalaman mo sa araw na iyon, kapag tumakbo ka papunta sa isang kaloob-loobang kwarto para magtago." 26 Sinabi ng hari ng Israel sa kaniyang lingkod, "Hulihin si Micaya at dalhin siya kay Amon, ang gobernador sa lungsod, at kay Joas, aking anak na lalaki. Sabihin sa kaniya, 27 'Sinabi ng hari, ilagay ang lalaking ito sa bilangguan at pakainin ng kaunting tinapay at kaunting tubig, hanggang sa makarating akong ligtas.'" 28 Pagkatapos sinabi ni Micaya. "Kung makakabalik ka ng ligtas, hindi nangusap sa akin si Yahweh," at dinagdag pa niya, "Pakinggan niyo ito, lahat kayong mga tao." 29 Kaya si Ahab, ang hari ng Israel, at Jehoshafat, ang hari ng Juda, ay pumunta sa Ramot Galaad. 30 Sinabi ng hari ng Israel kay Jehoshafat, "Magbabalatkayo ako at pupunta sa isang labanan, pero isuot mo ang iyong pangharing kasuotan." Kaya nagbalatkayo ang hari at nagpunta sa labanan. 31 Ngayon inutusan ng hari ng Aram ang tatlumpu't dalawang mga kapitan ng mga karwaheng pandigma, na nagsasabi, "Huwag niyong lusubin ang hindi mahalaga o mahalagang mga kawal. Sa halip, ang hari ng Israel lamang ang lusubin ninyo." 32 Nang makita ng mga kapitan ng mga karwaheng pandigma si Jehoshafat sinabi nila, "Siguradong iyon ang hari ng Israel." Lumiko sila at nilusob siya, kaya sumigaw si Jehoshafat. 33 Nang makita ng mga pinuno ng mga karwaheng pandigma na hindi iyon ang hari ng Israel, huminto sila sa pagtugis sa kaniya. 34 Ngunit isang lalaki ang basta nalang nagpalipad ng kaniyang palaso at tinamaan ang hari ng Israel sa pagitan ng dugtungan ng kaniyang mga baluti. Pagkatapos sinabi ni Ahab sa nagpapatakbo ng kaniyang karwaheng pandigma, "Umikot at dalhin ako palabas sa labanang ito, dahil lubha akong sugatan." 35 Lalong sumidhi ang labanan nang araw na iyon, at ang hari ay nanatili sa kaniyang karwaheng pandigma laban sa mga Arameo. Namatay siya ng gabing iyon. dumaloy ang dugo sa kaniyang sugat hanggang sa ilalim ng kaniyang karwaheng pandigma. 36 Pagkatapos ng paglubog ng araw, isang sigaw ang narinig ng buong hukbo, na nagsasabing, "Bawat lalaki ay dapat bumalik sa kaniyang lungsod, at bawat lalaki ay bumalik na sa kaniyang rehiyon!" 37 Kaya si haring Ahab ay namatay at dinala sa Samaria, at inilibing nila siya sa Samaria. 38 Hinugasan nila ang karwaheng pandigma sa paliguan ng Samaria, at ang mga aso ay dinilaan ang kaniyang dugo (Ito ay kung saan naliligo ang mga babaeng bayaran), gaya ng inihayag na salita ni Yahweh. 39 Para sa ibang bagay na ukol kay Ahab, lahat ng kaniyang ginawa, ang bagay na garing na kaniyang itinayo, at lahat ng mga lungsod na kaniyang itinatag, hindi ba nakasulat ito sa Ang Aklat ng mga Kaganapan sa Buhay ng mga Hari ng Israel? 40 Kaya natulog si Ahab kasama ng kaniyang mga ninuno, at si Ahazias kaniyang anak ay naging hari kapalit niya. 41 Pagkatapos si Jehoshafat anak na lalaki ni Asa ay nagsimulang maghari sa Juda sa ikaapat na taon ni Ahab hari ng Israel. 42 Si Jehoshafat ay tatlumpu't limang taon nang magsimula siyang maghari, at namuno siya sa Jerusalem nang dalawampu't limang taon. Ayuba ang pangalan ng kaniyang ina, na anak na babae ni Silhi. 43 Lumakad siya sa kaparaanan ni Asa, kaniyang ama; hindi niya sila tinalikuran; ginawa niya kung ano ang tama sa paningin ni Yahweh. Gayunman, ang mga dambana ay hindi parin inalis. Patuloy na nag-aalay at nagsusunog ng mga insenso ang mga tao sa mga dambana. 44 Nakipagkasundo si Jehoshafat sa hari ng Israel. 45 Para sa ibang bagay na ukol kay Jehoshafat, at ang kalakasan na kaniyang ipinakita, at kung paano niya pinagtagumpayan ang digmaan, hindi ba ang mga ito ay nasusulat sa Aklat ng mga Kaganapan sa Buhay ng mga Hari ng Juda? 46 Inalis niya mula sa lupain ang mga natirang mga lalaki at babaeng bayaran sa sagradong lugar na nanatili sa mga araw ng kaniya Amang si Asa. 47 Walang hari sa Edom, pero isang pumapangalawa ang namuno doon. 48 Gumawa ng pangkaragatang barko si Jehoshafat; Pupunta sila sa Ofir para sa ginto, pero hindi sila natuloy dahil ang mga barko ay nawasak sa Ezion Geber. 49 Pagkatapos sinabi ni Ahazias anak na lalaki ni Ahab kay Jehoshafat, "Hayaan ang aking mga lingkod na maglayag kasama ng iyong mga lingkod sa mga barko." Pero hindi ito pinayagan ni Jehoshafat. 50 Natulog si Jehoshafat kasama ng kaniyang mga ninuno at inilibing kasama nila sa lungsod ni David, na kaniyang ninuno; si Jehoram ang kaniyang anak na lalaki ang naging hari kapalit niya. 51 Nagsimulang maghari si Ahazias sa Israel sa Samaria nang ika-labing pitong taon ni Jehoshafat hari ng Juda, at naghari siya ng dalawang taon sa Israel. 52 Ginawa niya kung ano ang masama sa paningin ni Yahweh at lumakad sa kaparaanan ng kaniyang ama, sa paraan ng kaniyang ina, at sa paraan ng anak na lalaki ni Jeroboam na anak na lalaki ni Nebat, na nagdala sa Israel para magkasala. 53 Pinaglingkuran niya at sinamba si Baal at kaniyang ginalit si Yahweh, na Diyos ng Israel, ginalit, gaya ng ginawa ng kaniyang ama.