Tagalog: Tagalog Unlocked Literal Bible

Updated ? hours ago # views See on DCS Draft Material

Mga Awit

Chapter 1

1 Mapalad ang taong hindi lumalakad sa payo ng masama, o tumatayo sa daanan kasama ang mga makasalanan, o umuupo sa kapulungan ng mga nangungutya. 2 Pero ang kaniyang kagalakan ay nasa batas ni Yahweh, at sa kaniyang batas, nagbubulay-bulay siya araw at gabi. 3 Siya ay matutulad sa isang puno na nakatanim malapit sa mga batis ng tubig na namumunga sa panahon nito, na ang mga dahon ay hindi nalalanta; anuman ang kaniyang gawin ay sasagana. 4 Ang mga masasama ay hindi katulad nito, sa halip sila ay katulad ng ipa na tinatangay ng hangin. 5 Kaya ang masama ay hindi makatatayo sa paghahatol, maging ang mga makasalanan sa kapulungan ng matuwid. 6 Dahil sinasang-ayunan ni Yahweh ang daanan ng matuwid, pero ang daanan ng masama ay mapupuksa.

Chapter 2

1 Bakit naghihimagsik ang mga bansa, at ang mga tao ay nagsasabwatan nang walang kabuluhan? 2 Ang mga hari ng lupa ay nagsasama-sama at ang mga namamahala ay nagsasabwatan laban kay Yahweh at laban sa kaniyang Mesias, sinasabing, 3 "Tanggalin natin ang mga posas na nilagay nila sa atin at itapon ang kanilang mga kadena." 4 Siya na nakaupo sa kalangitan ay hahamakin sila; kinukutya sila ng Panginoon. 5 Pagkatapos, kakausapin niya sila sa kaniyang galit at tatakutin sila sa kaniyang poot, sinasabing, 6 "Ako mismo ang naghirang sa aking hari sa Sion, ang aking banal na bundok." 7 Ihahayag ko ang kautusan ni Yahweh. Sinabi niya sa akin, "Ikaw ay aking anak! Ngayong araw, ako ay naging iyong ama. 8 Hilingin mo sa akin, at ibibigay ko sa iyo ang mga bansa para sa iyong mana at ang pinakamalalayong mga bahagi ng lupain para sa iyong pag-aari. 9 Wawasakin mo sila gamit ang isang bakal na setro; dudurugin mo sila tulad ng isang banga ng magpapalayok." 10 Kaya ngayon, kayong mga hari, maging maingat; magpatuwid kayong mga namamahala sa mundo. 11 Sambahin si Yahweh nang may takot at magdiwang nang may panginginig. 12 Ibigay ang totoong katapatan sa kaniyang anak para hindi siya magalit sa inyo, at para hindi kayo mamatay kapag mabilis na sumiklab ang kaniyang galit. Mapalad ang lahat ng kumukubli sa kaniya.

Chapter 3

1 Yahweh, napakarami ng aking mga kaaway! Marami ang tumalikod at nilusob ako. 2 Maraming nagsasabi tungkol sa akin, "Walang tulong mula sa Diyos na darating para sa kaniya." Selah 3 Pero ikaw, Yahweh, ay isang kalasag sa aking paligid, aking kaluwalhatian, at ang siyang nag-aangat ng aking ulo. 4 Tinataas ko ang aking tinig kay Yahweh, at sinasagot niya ako mula sa kaniyang banal na burol. Selah 5 Nahiga ako at natulog; nagising ako, dahil inalagaan ako ni Yahweh. 6 Hindi ako matatakot sa maraming tao sa bawat dako na inihanda ang kanilang mga sarili laban sa akin. 7 Bumangon ka, Yahweh! Iligtas mo ako, aking Diyos! Dahil sasaktan mo ang lahat ng aking mga kalaban sa panga; sisirain mo ang mga ngipin ng masasama. 8 Ang kaligtasan ay nanggagaling kay Yahweh. Nawa makamit ang iyong mga pagpapala ng iyong bayan. Selah

Chapter 4

1 Tumugon ka kapag ako ay nananawagan, Diyos ng aking katuwiran; bigyan mo ako ng silid kapag ako ay napapalibutan. Kaawaan mo ako at makinig ka sa aking panalangin. 2 Kayong mga tao, gaano ninyo katagal papalitan ang aking karangalan ng kahihiyan? Gaano ninyo katagal mamahalin ang mga walang halaga at maghahangad ng mga kasinungalingan? Selah 3 Pero alamin ninyo na hinihiwalay ni Yahweh ang mga maka-Diyos para sa kaniyang sarili. Didinig si Yahweh kapag tumatawag ako sa kaniya. 4 Manginig kayo sa takot, pero huwag kayong magkasala! Magnilay-nilay sa inyong puso sa inyong higaan at manahimik. Selah 5 Ihandog ang mga alay ng katuwiran at ilagay ang inyong tiwala kay Yahweh. 6 Maraming nagsasabi, "Sino ang magpapakita ng anumang kabutihan sa atin?" Yahweh, itaas mo ang liwanag ng iyong mukha sa amin. 7 Binigyan mo ang aking puso ng higit na kagalakan kaysa sa iba tuwing sumasagana ang kanilang mga butil at bagong alak. 8 Sa kapayapaan, ako ay hihiga at matutulog, dahil tanging ikaw, Yahweh, ang nagliligtas at nagpapatiwasay sa akin.

Chapter 5

1 Makinig ka sa aking panawagan sa iyo, Yahweh; isipin mo ang aking mga daing. 2 Makinig ka sa tunog ng aking panawagan, aking Hari at aking Diyos, dahil sa iyo ako nananalangin. 3 Yahweh, sa umaga naririnig mo ang aking iyak; sa umaga dadalhin ko ang aking kahilingan sa iyo at maghihintay nang may pananabik. 4 Tiyak ngang hindi ka ang Diyos na pinahihintulutan ang kasamaan; ang mga masasamang tao ay hindi mo magiging mga panauhin. 5 Ang mayabang ay hindi tatayo sa harapan mo; kinamumuhian mo ang lahat nang kumikilos nang masama. 6 Wawasakin mo ang mga sinungaling; hinahamak ni Yahweh ang mga mararahas at mandarayang mga tao. 7 Pero para sa akin, dahil sa iyong dakilang katapatan sa tipan, papasok ako sa iyong tahanan; sa paggalang, ako ay yuyuko sa dako ng iyong banal na templo. 8 O Panginoon, akayin mo ako sa iyong katuwiran dahil sa aking mga kaaway; gawin mong tuwid ang iyong landas sa harap ko. 9 Dahil walang katotohanan sa kanilang bibig; ang kanilang panloob na pagkatao ay masama; ang kanilang lalamunan ay isang bukas na libingan; nang-uuto sila gamit ang kanilang dila. 10 Ihayag mong sila ay may sala, O Diyos; nawa ang kanilang mga balakin ang magpabagsak sa kanila! Itaboy mo sila dahil sa maraming kasalanan nila, dahil sila ay sumuway laban sa iyo. 11 Pero nawa ang lahat ng kumukubli sa iyo ay magalak; hayaan mo silang laging sumigaw sa galak dahil ipinagtatanggol mo sila; hayaan mo silang magalak sa iyo, sila na nagmamahal sa iyong pangalan. 12 Dahil pagpapalain mo ang matuwid, Yahweh; palilibutan mo sila ng pagpapala tulad ng isang kalasag.

Chapter 6

1 Yahweh, huwag mo akong sawayin sa iyong galit o ituwid sa iyong poot. 2 Maawa ka sa akin, Yahweh, dahil mahina ako; pagalingin mo ako, Yahweh, dahil nanginginig ang aking mga buto. 3 Labis ding nababagabag ang aking kaluluwa. Pero ikaw, Yahweh—hanggang kailan ito magpapatuloy? 4 Bumalik ka, Yahweh! Sagipin mo ako. Iligtas mo ako dahil sa iyong katapatan sa tipan! 5 Dahil walang ala-ala tungkol sa iyo sa kamatayan. Sino ang magbibigay ng pasasalamat sa iyo sa sheol? 6 Pagod na ako sa aking paghihinagpis. Buong gabi kong binabasa ng luha ang aking higaan; hinuhugasan ko ng luha ang aking upuan. 7 Lumalabo ang aking mga mata dahil sa kalungkutan; nanghihina ang mga ito dahil sa aking mga kaaway. 8 Lumayo kayo sa akin, kayo na gumagawa ng kasalanan; dahil narinig ni Yahweh ang ingay ng aking pagtangis. 9 Narinig ni Yahweh ang aking pagmamakaawa; tinanggap ni Yahweh ang aking panalangin. 10 Lahat ng mga kaaway ko ay mapapahiya at labis na mababalisa. Aatras sila at agad silang hahamakin.

Chapter 7

1 Yahweh aking Diyos, sa iyo ako kumukubli! Iligtas mo ako mula sa lahat ng humahabol sa akin, at iyong sagipin. 2 Kung hindi, gugutay-gutayin nila ako tulad ng leon, luluray-lurayin ako ng pira-piraso nang walang sinuman ang makakapagligtas sa akin. 3 Yahweh aking Diyos, kailanman ay hindi ko ginawa ang ibinibintang sa akin ng mga kaaway ko; walang kawalan ng katarungan sa mga kamay ko. 4 Hindi ako kailanman gumawa ng mali sa mga taong may kapayapaan sa akin, o sinaktan nang walang katuturan ang mga laban sa akin. 5 Kung hindi ako nagsasabi ng katotohanan hayaan mong habulin ng aking kaaway ang buhay ko at sagasaan ako; hayaan mo siyang tapak-tapakan ang katawan ko sa lupa at iwanan akong nakahiga sa kahihiyan sa alikabok. Selah 6 Bumangon ka, Yahweh, sa iyong galit; tumayo ka laban sa matinding galit ng mga kaaway ko; gumising ka para sa kapakanan ko at isakatuparan ang makatuwirang mga kautusan para sa kanila. 7 Ang mga bansa ay nagsama-sama sa paligid mo; bawiin mong muli mula sa kanila ang lugar na nararapat sa iyo. 8 Yahweh, hatulan mo ang mga bansa; ipawalang-sala mo ako, Yahweh, dahil ako ay matuwid at walang kasalanan, Kataas-taasan. 9 Nawa dumating na sa katapusan ang mga gawain ng mga masasamang tao, pero patatagin mo ang mga taong matuwid, makatuwirang Diyos, ikaw na sumisiyasat ng mga puso at mga isipan. 10 Ang aking kalasag ay nanggagaling mula sa Diyos, ang nagliligtas ng mga pusong matuwid. 11 Ang Diyos ay makatuwirang hukom, ang Diyos na galit bawat araw. 12 Kung hindi magsisisi ang isang tao, hahasain ng Diyos ang kaniyang espada at ihahanda ang kaniyang pana para sa labanan. 13 Naghahanda siya para gumamit ng mga sandata laban sa kaniya; ginagawa niya ang kaniyang umaapoy na palaso. 14 Isipin mo ang isang buntis na may kasamaan, ang nag-iisip ng mapanirang mga balak, ang nanganganak ng mga mapanirang kasinungalingan. 15 Nagbubungkal siya ng hukay, tatakpan ito at saka mahuhulog siya sa hukay na binungkal niya. 16 Ang kaniyang sariling mapanirang mga balak ay babalik din sa kaniya, dahil ang kaniyang kasamaan ay babagsak sa sarili niyang ulo. 17 Pasasalamatan ko si Yahweh dahil sa kaniyang katarungan; aawit ako ng papuri kay Yahweh ang Kataas-taasan.

Chapter 8

1 Yahweh aming Panginoon, kahanga-hanga ang pangalan mo sa buong mundo, hinahayag mo ang iyong kaluwalhatian sa kalangitan. 2 Mula sa mga bibig ng mga bata at sanggol ay lumikha ka ng papuri dahil sa mga kaaway mo, para patahimikin ang kaaway at ang tagapaghiganti. 3 Kapag tumitingin ako sa iyong mga kalangitan, na ginawa ng iyong mga daliri, ang buwan at mga tala, na nilagay mo sa lugar, 4 ano ang halaga ng sangkatauhan na pinapansin mo sila, o ang mga tao na pinapakinggan sila? 5 Gayumpaman ginawa mo sila ng mababa ng kaunti kaysa sa mga nilalang sa kalangitan at kinoronahan sila ng may kaluwalhatian at karangalan. 6 Ginawa mo siyang tagapamahala ng lahat ng ginawa ng iyong mga kamay; niligay mo ang lahat ng bagay sa ilalim ng kaniyang mga paa: 7 lahat ng mga tupa at mga baka, at kahit ang mga hayop ng bukid, 8 ang mga ibon ng langit, at ang mga isda ng dagat, lahat ng dumadaan sa mga agos ng dagat. 9 Yahweh aming Panginoon, kahanga-hanga ang pangalan mo sa buong mundo!

Chapter 9

Para sa punong manunugtog; nakatakda sa estilo ng Muth Laben. Isang awit ni David.

1 Buong puso akong magpapasalamat kay Yahweh; ihahayag ko ang lahat ng kamangha-mangha mong mga gawain. 2 Magagalak ako at magsasaya sa iyo; aawit ako ng papuri sa iyong pangalan, Kataas-taasan! 3 Kapag bumalik ang mga kaaway ko, madadapa sila at mapupuksa sa harapan mo. 4 Dahil pinagtanggol mo ang aking makatuwirang layunin; nakaluklok ka sa iyong trono, makatuwirang hukom! 5 Sinindak mo ang mga bansa sa pamamagitan ng iyong panlabang sigaw; winasak mo ang masama; binura mo ang kanilang alaala magpakailanman. 6 Nagiba ang mga kaaway tulad ng mga lugar na gumuho nang gapiin mo ang kanilang mga lungsod. Lahat ng alaala tungkol sa kanila ay naglaho. 7 Pero nananatili si Yahweh magpakailanman; tinatatag niya ang kaniyang trono para sa katarungan. 8 Hinahatulan niya ang mundo ng pantay. Gumagawa siya ng makatarungang mga pasya para sa mga bansa. 9 Magiging matibay na tanggulan din si Yahweh para sa mga inaapi, isang matibay na tanggulan sa panahon ng kaguluhan. 10 Nagtitiwala ang nakakakilala ng pangalan mo, dahil ikaw, Yahweh, ay hindi nang-iiwan ng mga lumalalapit sa iyo. 11 Umawit ng mga papuri kay Yahweh, ang namumuno sa Sion; sabihin sa lahat ng bansa ang kaniyang ginawa. 12 Dahil ang Diyos na naghihiganti sa pagdanak ng dugo ay nakaaalala; hindi niya nakalilimutan ang daing ng mga inaapi. 13 Maawa ka sa akin, Yahweh; tingnan mo kung paano ako inaapi ng mga kinamumuhian ako, ikaw na kayang agawin ako mula sa mga tarangkahan ng kamatayan. 14 Para maihayag ko ang lahat ng kapurihan mo. Sa mga tarangkahan ng anak na babae ng Sion magsasaya ako sa iyong kaligtasan! 15 Lumubog ang mga bansa sa hukay na ginawa nila; nahuli ang mga paa nila sa lambat na tinago nila. 16 Hinayag ni Yahweh ang kaniyang sarili; nagsagawa siya ng paghatol; nahuli sa patibong ang masama dahil sa sarili niyang mga ginawa. Selah 17 Ang mga masasama ay binalik at pinadala sa sheol, ang patutunguhan ng mga bansa na lumimot sa Diyos. 18 Dahil ang mga nangangailangan ay hindi kailanman makalilimutan, o itataboy ang mga pag-asa ng mga inaapi. 19 Bumangon ka, Yahweh; huwag mo kaming hayaang lupigin ng tao; nawa mahatulan ang mga bansa sa iyong paningin. 20 Sindakin mo sila, Yahweh; nawa malaman ng mga bansa na sila ay tao lamang. Selah

Chapter 10

1 Yahweh, bakit ka nakatayo sa malayo? Bakit tinatago mo ang iyong sarili sa oras ng kaguluhan? 2 Dahil sa kanilang kayabangan, hinahabol ng masasamang tao ang mga api; pero pakiusap hayaan mong mahuli ang mga masasama sa ginawa nilang sariling mga balakin. 3 Dahil ipinagyayabang ng masasamang tao ang kaniyang pinakamalalim na mga hangarin; pinagpapala niya ang sakim at iniinsulto si Yahweh. 4 Ang masasamang tao ay nakataas-noo; hindi niya hinahanap ang Diyos. Hindi niya kailanman iniisip ang tungkol sa Diyos dahil siya ay wala talagang pakialam sa kaniya. 5 Siya ay matatag sa lahat ng oras, pero ang iyong mga makatuwirang mga kautusan ay labis na mataas para sa kaniya; sinisinghalan niya ang lahat ng kaniyang mga kaaway. 6 Sinasabi niya sa kaniyang puso, "Hindi ako mabibigo; hindi ako makahaharap ng pagkatalo sa lahat ng salinlahi." 7 Ang kaniyang bibig ay puno ng pagsusumpa at mapanlinlang, mapaminsalang mga salita; ang kaniyang dila ay nakasasakit at nakasisira. 8 Siya ay naghihintay sa pagtambang malapit sa mga nayon; sa lihim na mga lugar niya pinapatay ang inosente; ang kaniyang mga mata ay naghahanap ng ilang biktimang walang laban. 9 Siya ay nagtatago ng palihim katulad ng leon sa masukal na lugar; siya ay nag-aabang para humuli ng api. Nahuhuli niya ang api kapag hinihila niya ang kaniyang lambat. 10 Ang kaniyang mga biktima ay dinudurog at binubugbog; sila ay nahulog sa kaniyang matibay na mga lambat. 11 Sinasabi niya sa kaniyang puso, "Nakalimot ang Diyos; tinakpan niya ang kaniyang mukha; hindi siya mag-aabalang tumingin." 12 Bumangon ka, Yahweh; itaas mo ang iyong kamay sa paghatol, O Diyos. Huwag mong kalimutan ang mga api. 13 Bakit itinatanggi ng masamang tao ang Diyos at sinasabi sa kaniyang puso, "Hindi mo ako pananagutin"? 14 Binigyang pansin mo, dahil lagi mong nakikita ang gumagawa ng paghihirap at kalungkutan. Pinagkakatiwala ng ulila ang kaniyang sarili sa iyo; inililigtas mo ang mga walang ama. 15 Baliin mo ang bisig ng masama at buktot na tao; panagutin siya sa kaniyang mga masasamang gawain, na akala niya hindi mo matutuklasan. 16 Si Yahweh ay Hari magpakailanpaman; ang mga bansa ay pinalalayas mo sa kanilang mga lupain. 17 Yahweh, narinig mo ang mga pangangailangan ng mga api; pinalalakas mo ang kanilang puso, pinakikinggan mo ang kanilang panalangin; 18 Ipinagtatanggol mo ang walang mga ama at ang mga api para walang tao sa mundo ang magdudulot muli ng malaking takot.

Chapter 11

1 Kumukubli ako kay Yahweh; paano mo sasabihin sa aking, "Tumakas ka katulad ng isang ibon sa bundok"? 2 Tingnan mo! Inihahanda ng mga masasama ang kanilang mga pana. Inihahanda nila ang kanilang mga palaso sa tali para panain sa dilim ang pusong matuwid. 3 Dahil kung ang mga pundasyon ay nasira, ano ang kayang gawin ng matuwid? 4 Si Yahweh ay nasa kaniyang banal na templo; ang kaniyang mga mata ay nagmamasid, sinusuri ng kaniyang mga mata ang mga anak ng mga tao. 5 Parehong sinusuri ni Yahweh ang matuwid at masama, pero kinapopootan niya ang mga gumagawa ng karahasan. 6 Nagpapaulan siya ng mga nagbabagang uling at asupre sa mga masasama; nakakapasong hangin ang kanilang magiging bahagi sa kaniyang kopa! 7 Dahil si Yahweh ay matuwid, at mahal niya ang katuwiran; makikita ng matuwid ang kaniyang mukha.

Chapter 12

1 Tulong, Yahweh, dahil ang mga maka-diyos ay naglaho; ang mga matatapat ay nawala. 2 Ang lahat ay nagsasabi ng walang kabuluhang mga salita sa kaniyang kapwa; ang lahat ay nagsasalita ng hindi matapat na papuri at may salawahang puso. 3 Yahweh, putulin mo ang lahat ng labing hindi matapat ang papuri, bawat dila na nagpapahayag ng dakilang mga bagay. 4 Ito ang mga nagsabing, "Sa pamamagitan ng ating dila, tayo ay mangingibabaw. Kapag ang ating mga labi ang nagsalita, sino ang maaaring maging panginoon sa atin?" 5 "Dahil sa karahasan laban sa mahirap, dahil sa mga daing ng nangangailangan, ako ay babangon," sinasabi ni Yahweh. "Magbibigay ako ng kaligtasan na kanilang hinahangad." 6 Ang mga salita ni Yahweh ay dalisay, katulad ng pilak na dinalisay sa pugon sa lupa, na tinunaw ng pitong beses. 7 Ikaw si Yahweh! Iniingatan mo sila. Pinangangalagaan mo ang maka-diyos mula sa masamang salinlahing ito at magpakailanman. 8 Ang masasama ay naglalakad sa bawat panig kapag ang masama ay naitaas sa mga anak ng mga tao.

Chapter 13

1 Yahweh, gaano katagal mong kalilimutan ang tungkol sa akin? Gaano katagal mo itatago ang iyong mukha sa akin? 2 Gaano katagal ako dapat mag-alala at magkaroon ng kalungkutan sa aking puso sa buong araw? Gaano katagal magtatagumpay ang aking mga kaaway? 3 Tumingin ka sa akin at sagutin mo ako, Yahweh aking Diyos! Paliwanagin ang aking mga mata, o ako ay matutulog sa kamatayan. 4 Huwag mong hayaan na sabihin ng aking kaaway, "Natalo ko siya", para ang aking kaaway ay hindi magsabing, "Ako ay nanaig sa aking kalaban"; kung hindi, ang aking mga kaaway ay magdiriwang kapag ako ay bumagsak. 5 Pero nagtiwala ako sa katapatan mo sa tipan; ang aking puso ay nagagalak sa iyong kaligtasan. 6 Aawit ako kay Yahweh dahil pinakitunguhan niya ako nang mabuti.

Chapter 14

1 Sinasabi ng mangmang sa kaniyang puso, "Walang Diyos." Sila ay masama at nakagawa ng kasuklam-suklam na kasalanan; walang sinuman ang gumagawa ng mabuti. 2 Si Yahweh ay tumingin sa baba mula sa langit sa mga anak ng sangkatauhan para makita kung mayroong sinuman ang nakauunawa, kung sino ang naghahanap sa kaniya. 3 Ang lahat ay tumalikod; ang lahat ay naging marumi; walang sinuman ang gumagawa ng mabuti, wala, kahit isa. 4 Hindi ba nila alam ang kahit na ano, sila na nakagawa ng kasalanan, sila na nilalamon ang aking mga tao gaya ng pagkain ng tinapay, pero hindi tumatawag kay Yahweh? 5 Sila ay nanginginig ng may pangamba, dahil kasama ng Diyos ang matuwid na kapulungan! 6 Gusto mong hiyain ang taong mahirap kahit na si Yahweh ang kaniyang kanlungan. 7 Oh, ang kaligtasan ng Israel ay manggagaling mula sa Sion! Kapag binalik ni Yahweh ang kaniyang bayan mula sa pagkakabihag, magagalak si Jacob at matutuwa ang Israel!

Chapter 15

1 Sinong puwedeng manatili sa iyong tabernakulo, Oh Yahweh? Sinong maaaring manirahan sa iyong banal na burol? 2 Siya ay lumalakad sa katuwiran at gumagawa ng tama and nagsasabi ng katotohanan mula sa kaniyang puso. 3 Hindi siya naninirang-puri gamit ang kaniyang dila, o nananakit ng iba, o nang-iinsulto ng kaniyang kapwa. 4 Ang taong walang halaga ay kasuklam-suklam sa kaniyang paningin, pero pinararangalan niya ang lahat ng may takot kay Yahweh. Sumusumpa siya sa kaniyang sariling kakulangan at hindi tumatalikod sa kaniyang mga pangako. 5 Hindi siya naniningil ng tubo sa tuwing siya ay nagpapautang. Hindi rin siya tumatanggap ng suhol para tumestigo laban sa walang-sala. Sinumang gumagawa ng mga bagay na ito ay hindi kailanman mayayanig.

Chapter 16

1 Ingatan mo ako, O Diyos, dahil sa iyo ako kumukubli. 2 Sinasabi ko kay Yahweh, "Ikaw ang aking Diyos; ang kabutihan ko ay walang saysay nang malayo sa iyo. 3 Para sa mga taong banal na nasa daigdig, sila ay mararangal na tao; ang kasiyahan ko ay nasa kanila. 4 Ang kanilang kapahamakan ay lalawig, silang naghahanap ng ibang diyos. Hindi ako magbubuhos ng inuming handog na dugo sa kanilang mga diyos o magtataas ng kanilang mga pangalan gamit ang aking mga labi. 5 Ikaw ang aking bahagi at ang aking kopa, O Yahweh. Hawak mo aking tadhana. 6 Mga panukat na guhit ay inalagay para sakin sa mga kalugod-lugod na lugar; tiyak na magandang pamana ang inilaan para sa akin. 7 Pupurihin ko si Yahweh na naggagabay sa akin; maging sa gabi, ang isipan ko ay nagtuturo sa akin. 8 Inuuna ko si Yahweh sa lahat ng oras, kaya't hindi ako mayayanig mula sa kaniyang kanang kamay! 9 Kaya nga ang puso ko ay magagalak, ang nagpaparangal kong puso ay magpupuri sa kaniya; tiyak na mabubuhay ako nang panatag. 10 Dahil hindi mo iiwan ang aking kaluluwa sa Sheol. Hindi mo pababayaan ang tapat sa iyo na masilayan ang hukay. 11 Tinuturo mo sa akin ang landas ng buhay; nag-uumapaw na kagalakan ay nananahan sa iyong piling; labis na tuwa ay nananatili sa iyong kanang kamay magpakailanman!

Chapter 17

1 Pakinggan mo ang pagsamo ko ng katarungan, O Yahweh; pansinin mo ang aking panawagan ng tulong! Paglaanan mo ng iyong tainga ang panalangin ko, mula sa mga labi na walang panlilinlang. 2 Hayaan mong ang pagpapawalang-sala sa akin ay magmula sa iyon piling; makita nawa ng iyong mga mata kung ano ang tama! 3 Kung susubukin mo ang puso ko, kung daratnan mo ako sa gabi, lilinisin mo ako at wala kang makikitang anumang masamang balakin; ang bibig ko ay hindi magkakasala. 4 Patungkol sa gawi ng sangkatauhan, sa salita ng mga labi mo kaya lumayo ako sa kasamaan. 5 Ang mga yapak ko ay nanatiling nakatuon sa iyong gabay; ang paanan ko ay hindi lumihis. 6 Nananawagan ako sa iyo, dahil tinutugon mo ako, O Diyos; ibaling mo ang pandinig mo sa akin at pakinggan mo ako sa aking sasabihin. 7 Ipakita mo ang katapatan mo sa tipan sa kaaya-ayang paraan, ikaw na nagliligtas, sa pamamagitan ng iyong kanang kamay, ng mga kumukibli sa iyo mula sa kanilang mga kaaway. 8 Ingatan mo ako tulad ng sinta mong irog; itago mo ako sa ilalim ng anino ng iyong mga pakpak 9 mula sa presensiya ng masasama na nananakit sa akin, mga kaaway kong pumapaligid sa akin. 10 Wala silang awa kaninuman; ang mga bibig nila ay nagsasalita nang may kayabangan. 11 Pinaligiran nila ang aking mga yapak. Binabalak nila na pabagsakin ako. 12 Tulad sila ng isang leon na sabik para sa isang biktima, tulad ng isang batang leon na nakaabang sa mga liblib na lugar. 13 Tumayo ka, O Yahweh! Lusubin mo sila! Pabagsakin mo sila! Iligtas mo ako mula sa masasama sa pamamagitan ng iyong tabak! 14 Sagipin mo ako mula sa mga tao sa pamamagitan ng iyong kamay, O Yahweh, mula sa mga tao ng mundong ito na ang yaman ay sa buhay na ito lamang! Pupunuin mo ng yaman ang mga tiyan ng iyong mga pinahahalagahan; magkakaroon sila ng maraming anak at iiwan ang kanilang yaman sa kanilang mga anak. 15 Ako, makikita ko ang iyong mukha sa katuwiran; masisiyahan ako sa paggising ko nang ikaw ang aking nakikita.

Chapter 18

1 Mahal kita, O Yahweh, ang aking lakas. 2 Si Yahweh ang aking bato, ang aking tanggulan, ang siyang nagdadala sa akin sa kaligtasan; siya ang aking Diyos, ang aking bato; sa kaniya ako kumukubli. Siya ang aking kalasag, ang tambuli ng aking kaligtasan, at ang aking muog. 3 Mananawagan ako kay Yahweh na siyang karapat-dapat na purihin, at maliligtas ako mula sa aking mga kaaway. 4 Nakapalibot sa akin ang mga lubid ng kamatayan, at inanod ako ng rumaragasang tubig ng kawalan ng halaga. 5 Nakapaligid sa akin ang mga lubid ng Sheol; ang patibong ng kamatayan ay binitag ako. 6 Sa aking pagkabalisa, tumawag ako kay Yahweh, tumawag ako para humingi ng tulong sa aking Diyos. Pinakinggan niya ang tinig ko mula sa kaniyang templo; ang aking panawagan ng tulong ay nakarating sa kaniyang presensiya; nakarating ito sa kaniyang tainga. 7 Kaya nayugyog at nayanig ang lupa; maging ang mga pundasyon ng mga bundok, nayanig at nayugyog dahil nagalit ang Diyos. 8 Umangat ang usok na lumabas mula sa kaniyang ilong, at naglalagablab na apoy ang lumabas mula sa kaniyang bibig. Nagbaga ang mga uling dahil dito. 9 Binuksan niya ang kalangitan at siya ay bumaba, at makapal na kadiliman ay nasa ilalim na kaniyang paanan. 10 Sumakay siya sa isang anghel at lumipad; pumagaspas siya sa mga pakpak ng hangin. 11 Ginawa niyang tolda sa kaniyang paligid ang kadiliman, mabigat na mga ulap-ulan sa kalangitan. 12 Mula sa kidlat sa kaniyang harapan, bumagsak ang mga yelo at nag-aapoy na uling. 13 Dumagundong si Yahweh sa mga kalangitan! Ang Kataas-taasan ay sumigaw at nagpadala ng mga yelo at kidlat. 14 Pinana at ikinalat niya ang kaniyang mga kaaway; pinaghiwa-hiwalay sila ng maraming kidlat. 15 Pagkatapos, ang daluyan ng mga tubig ay lumitaw; ang mga pundasyon ng mundo ay nahayag sa iyong sigaw na pandigma, O Yahweh—sa pagbuga ng hininga ng iyong ilong. 16 Bumaba siya mula sa itaas; hinawakan niya ako! Iniahon niya ako mula sa rumaragasang tubig. 17 Sinagip niya ako mula sa aking malakas na kalaban, mula sa mga namumuhi sa akin, dahil sila ay higit na malakas kaysa sa akin. 18 Sinugod nila ako sa araw ng aking pagdadalamhati pero si Yahweh ang aking tagapagtanggol! 19 Pinalaya niya ako tungo sa isang malawak na lugar; iniligtas niya ako dahil siya ay nalulugod sa akin. 20 Ginantimpalaan ako ni Yahweh dahil sa aking katuwiran; tinulungan niya akong bumangon dahil ang aking mga kamay ay malinis. 21 Dahil pinanatili ko ang mga pamamaraan ni Yahweh at hindi tumalikod sa aking Diyos patungo sa kasamaan. 22 Dahil ang lahat ng kaniyang makatuwirang mga kautusan ay nanguna sa akin; maging sa kaniyang mga alintuntunin, hindi ako tumalikod. 23 Nanatili akong walang-sala sa kaniyang harapan, at lumayo ako mula sa kasalanan. 24 Kaya tinulungan akong bumangon ni Yahweh dahil sa aking katuwiran, dahil ang aking mga kamay ay malinis sa kaniyang paningin. 25 Sa sinumang tapat, ipakita mo na ikaw ay tapat; sa taong walang-sala, ipakita mo na ikaw ay walang-sala. 26 Sa sinumang dalisay, ipakita mo na ikaw ay dalisay; pero ikaw ay tuso sa sinumang baluktot. 27 Dahil nililigtas mo ang mga hinahamak, pero ibinabagsak mo ang lahat ng nagyayabang, ang mapagmataas na mga mata! 28 Dahil nagbibigay ka ng liwanag sa aking ilawan; si Yahweh na aking Diyos ang nagbibigay liwanag sa aking kadiliman. 29 Sa pamamagitan mo, kaya kong lampasan ang isang barikada; sa pamamagitan ng aking Diyos, kaya kong talunan ang isang pader. 30 Patungkol sa Diyos: ang kaniyang pamamaraan ay ganap. Ang salita ni Yahweh ay dalisay! Siya ang panangga sa sinumang kumukubli sa kaniya. 31 Dahil sino ang Diyos maliban kay Yahweh? Sino ang bato maliban sa ating Diyos? 32 Ang Diyos ang nagbibigay ng lakas sa akin tulad ng isang sinturon, na nagdadala sa isang matuwid na tao sa kaniyang landas. 33 Pinabibilis niya ang aking mga paa na parang isang usa at inilalagay niya ako sa kabundukan! 34 Sinasanay niya ang aking mga kamay para sa digmaan at ang aking mga braso para matutong gumamit ng tansong pana. 35 Ibinigay mo sa akin ang panangga ng iyong kaligtasan. Ang iyong kanang kamay ay sumusuporta sa akin, at ang pabor mo ay ginawa akong tanyag. 36 Gumawa ka ng isang malawak na lugar para sa aking paanan sa ilalim kaya ang aking paanan ay hindi lumihis. 37 Hinabol ko ang aking mga kaaway at hinuli ko sila; hindi ako tumalikod hangga't hindi sila nawawasak. 38 Hinambalos ko sila hangga't hindi na nila kayang bumangon; bumagsak sila sa ilalim ng aking paanan. 39 Dahil binigyan mo ako ng lakas tulad ng sinturon para sa digmaan; inilagay mo ako sa ilalim ng mga nag-aalsa laban sa akin. 40 Ibinigay mo sa akin ang batok ng aking mga kaaway; nilipol ko lahat ng namumuhi sa akin. 41 Humingi sila ng tulong pero walang sumagip sa kanila; tumawag sila kay Yahweh, pero hindi niya sila pinakinggan. 42 Dinurog ko sila tulad ng alikabok sa hangin; itinapon ko sila tulad ng putik sa kalsada. 43 Iniligtas mo ako mula sa pagtatalo ng mga tao. Ginawa mo akong pinuno sa lahat ng bansa. Mga taong hindi ko kilala ay naglingkod sa akin. 44 Sa oras na narinig nila ako, sumunod sila sa akin; ang mga dayuhan ay napilitang yumuko sa akin. 45 Ang mga dayuhan ay dumating na nanginginig mula sa kanilang mga tanggulan. 46 Buhay si Yahweh; nawa ang aking bato ay purihin. Nawa ang Diyos ng aking kaligtasan ay maitaas. 47 Ito ang Diyos na naghihiganti para sa akin, ang nagdudulot sa mga bayan na sumailalim sa akin. 48 Napalaya ako mula sa aking mga kaaway! Totoo, itinaas mo ako nang higit sa mga tumuligsa sa akin. Iniligtas mo ako mula sa mga marahas na kalalakihan. 49 Kaya magpapasalamat ako sa iyo, O Yahweh, sa lahat ng bansa; aawit ako ng mga papuri sa iyong pangalan! 50 Ang Diyos ay nagbibigay ng tagumpay sa kaniyang hari, at ipinakikita niya ang kaniyang katapatan sa tipan sa kaniyang hinirang, kay David at sa kaniyang kaapu-apuhan magpakailanman.

Chapter 19

1 Ang kalangitan ay nagpapahayag ng kaluwalhatian ng Diyos, at ipinapaalam ng himpapawid ang ginawa ng kaniyang kamay! 2 Bawat araw ang pananalita ay bumubuhos; bawat gabi nagpapahayag ito ng kaalaman. 3 Walang pananalita o salaysay; ni hindi naririnig ang kanilang tinig. 4 Gayumpaman ang kanilang mga salita ay umaabot sa buong mundo; at ang kanilang pananalita ay hanggang sa dulo ng mundo. Nagtayo siya ng tolda para sa araw sa kalagitnaan nila. 5 Ang araw ay parang lalaking ikakasal na lumalabas sa kaniyang silid at parang isang lalaking malakas na nagagalak kapag siya ay tumatakbo sa kaniyang karera. 6 Ang araw ay sumisikat mula sa isang dako at tumatawid sa himpapawid hanggang sa kabila; walang makatatakas sa init nito. 7 Ang batas ni Yahweh ay perpekto, pinasisigla ang kaluluwa; ang patotoo ni Yahweh ay maaasahan, ginagawang marunong ang payak ang kaisipan. 8 Ang mga tagubilin ni Yahweh ay matuwid, pinasasaya ang puso; ang kautusan ni Yahweh ay dalisay, nagdadala ng liwanag sa mga mata. 9 Ang takot kay Yahweh ay dalisay, nananatili magpakailanman; ang makatuwirang mga kautusan ni Yahweh ay totoo at matuwid sa kabuuan! 10 Ang mga ito ay mas mahalaga kaysa ginto, mas higit pa kaysa pinong ginto; mas matamis kaysa pulot na tumutulo mula sa pulot-pukyutan. 11 Oo, sa pamamagitan ng mga ito ang iyong lingkod ay binalaan; sa pagsunod dito ay may malaking gantimpala. 12 Sino ang makababatid sa lahat ng kaniyang sariling mga kamalian? Linisin mo ako sa mga lihim na kasalanan. 13 Ingatan mo rin ang iyong lingkod sa mga kasalanang mapagmataas; huwag mong hayaan na ang mga ito ay maghari sa akin. Sa gayon ako ay magiging ganap, at inosente sa maraming kasalanan. 14 Nawa ang mga salita ng aking bibig at mga saloobin ng aking puso ay maging katanggap-tanggap sa iyong paningin, Yahweh, aking bato at aking manunubos.

Chapter 20

1 Nawa ay tulungan ka ni Yahweh sa araw ng kaguluhan; nawa ang pangalan ng Diyos ni Jacob ang mangalaga sa iyo 2 at magpadala ng tulong mula sa banal na lugar para magtaguyod sa iyo sa Sion. 3 Nawa maalala niya ang lahat ng iyong mga alay at tanggapin ang iyong sinunog na handog. Selah 4 Nawa ay ipagkaloob niya sa iyo ang hinahangad ng iyong puso at tuparin ang lahat ng iyong mga plano. 5 Pagkatapos magagalak kami sa iyong tagumpay, at, sa pangalan ng ating Diyos, itataas namin ang mga bandila. Nawa ay ipagkaloob ni Yahweh ang lahat ng iyong kahilingan. 6 Ngayon alam ko na ililigtas ni Yahweh ang kaniyang hinirang; sasagutin siya mula sa kaniyang banal na kalangitan na may lakas ng kaniyang kanang kamay na maaari siyang sagipin. 7 Nagtitiwala ang ilan sa mga kalesang pandigma at ang iba ay sa mga kabayo, pero ang tinatawagan namin ay si Yahweh na aming Diyos. 8 Sila ay ibababa at ibabagsak, pero tayo ay babangon at tatayong matuwid! 9 Yahweh, sagipin mo ang hari; tulungan mo kami kapag kami ay nananawagan.

Chapter 21

1 Nagagalak ang hari sa iyong lakas, Yahweh! Labis siyang nagagalak sa kaligtasan na iyong ibinibigay! 2 Ibinigay mo sa kaniya ang inaasam ng kaniyang puso at hindi mo pinigilan ang kahilingan ng kaniyang mga labi. Selah 3 Dahil dinadalhan mo siya ng mayamang mga pagpapala; inilagay mo sa kaniyang ulo ang pinakadalisay na gintong korona. 4 Humihiling siya sa iyo ng buhay; ibinigay mo ito sa kaniya; binigyan mo siya ng mahabang buhay magpakailanman. 5 Ang kaniyang kaluwalhatian ay dakila dahil sa iyong tagumpay; iginawad mo sa kaniya ang kaningningan at pagiging maharlika. 6 Dahil pinagkalooban mo siya ng mga pangmatagalang pagpapala; hinayaan mo siyang magalak nang may kasiyahan sa iyong presensya. 7 Dahil ang hari ay nagtitiwala kay Yahweh; sa pamamagitan ng katapatan sa tipan ng Kataas-taasan siya ay hindi matitinag. 8 Dadakpin ng iyong kamay ang lahat ng iyong mga kaaway; dadakpin ng iyong kanang kamay ang mga napopoot sa iyo. 9 Sa panahon ng iyong galit; susunugin mo sila na parang nasa maalab na pugon. Lilipulin sila ni Yahweh sa kaniyang matinding galit, at lalamunin sila ng apoy. 10 Pupuksain mo ang kanilang mga anak mula sa lupa at ang kanilang mga kaapu-apuhan na kabilang sa sangkatauhan. 11 Dahil hinangad nila ang masama laban sa iyo; bumuo sila ng masamang balak na kung saan hindi sila magtatagumpay! 12 Dahil sila ay iyong paaatrasin; sila ay iyong papanain. 13 Maitanghal, ka Yahweh, sa iyong lakas; aawitin at pupurihin namin ang iyong kapangyarihan.

Chapter 22

1 Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan? Bakit napakalayo mo mula sa pagliligtas sa akin at malayo mula sa mga salita ng aking paghihirap? 2 Diyos ko, maghapon akong nananawagan sa iyo, pero hindi ka sumasagot, at maging sa gabi ako ay walang katahimikan! 3 Pero ikaw ay banal; ikaw ay nakaupo bilang hari kasama ang mga papuri ng Israel. 4 Ang aming mga ninuno ay nagtiwala sa iyo; nagtiwala sila sa iyo at sila ay niligtas mo. 5 Dumaing sila sa iyo at sila ay niligtas mo. Nagtiwala sila sa iyo at hindi sila nabigo. 6 Pero ako ay parang isang uod at hindi isang tao, isang kahihiyan sa sangkatauhan at pinagtatawanan ng mga tao. 7 Silang lahat na nakakakita sa akin ay kinukutya ako; hinahamak nila ako; ang kanilang mga ulo ay napapailing sa akin. 8 Sinasabi nila, "Nagtitiwala siya kay Yahweh, hayaan natin na iligtas siya ni Yahweh. Hayaan natin na sagipin siya ni Yahweh, dahil nalulugod siya sa kaniya." 9 Dahil kinuha mo ako mula sa sinapupunan; hinayaan mong magtiwala ako sa iyo habang ako ay nasa dibdib ng aking ina. 10 Ipinagkatiwala na ako sa iyo mula pa sa sinapupunan; ikaw ang aking Diyos simula pa ng ako ay nasa sinapupunan ng aking ina! 11 Huwag kang lumayo mula sa akin dahil malapit lang ang kaguluhan; walang sinuman ang tutulong. 12 Pinaliligiran ako ng maraming mga toro; pinapaligiran ako ng malalakas na mga toro ng Bashan. 13 Binubuksan nila ang kanilang bibig para sa akin na parang isang umaatungal na leon na niluluray ang kaniyang biktima. 14 Ako ay parang natapong tubig, at lahat ng aking mga buto ay nalinsad. Ang aking puso ay tulad ng pagkit; natutunaw ito sa kaloob-loobang bahagi ko. 15 Ang aking lakas ay parang natuyong piraso ng palayukan; ang aking dila ay dumidikit sa aking ngalangala. Inilagay mo ako sa alabok ng kamatayan. 16 Dahil pinapaligiran ako ng mga aso; napalibutan ako ng samahan na mga mapaggawa ng masama; tinusok nila ang aking mga kamay at mga paa. 17 Nabibilang ko na ang aking mga buto. Tumitingin at tumititig sila sa akin. 18 Pinaghahatian nila ang aking mga kasuotan sa kanilang mga sarili, pinagpipilian nila ang aking mga damit. 19 Huwag kang lumayo, Yahweh; hinihiling kong magmadali ka para tulungan ako, aking kalakasan! 20 Iligtas mo ang aking kaluluwa mula sa espada, ang tanging buhay ko mula sa mga kuko ng mabangis na mga aso. 21 Iligtas mo ako mula sa bibig ng leon; iligtas mo ako mula sa mga sungay ng mababangis na toro. 22 Ihahayag ko ang iyong pangalan sa aking mga kapatid; sa gitna ng kapulungan ay pupurihin kita. 23 Kayo na may takot kay Yahweh, purihin siya! Kayong lahat na mga kaapu-apuhan ni Jacob, parangalan siya! Ipakita niyo ang inyong pagkamangha sa kaniya, kayong lahat na mga kaapu-apuhan ng Israel! 24 Dahil hindi niya hinamak o pinabayaan ang pagdurusa ng naghihirap; hindi tinago ni Yahweh ang kaniyang mukha mula sa kaniya; nang umiyak ang naghihirap sa kaniya, dininig niya. 25 Ang aking pagpupuri ay dahil sa iyo sa gitna ng napakalaking kapulungan; tutuparin ko ang aking mga panata sa harap nilang may takot sa kaniya. 26 Ang mga naaapi ay makakakain at mabubusog; sila na naghahanap kay Yahweh ay magpupuri sa kaniya. Nawa ang inyong mga puso ay mabuhay magpakailanman. 27 Ang lahat ng mga tao sa lupa ay aalalahanin at babalik kay Yahweh; lahat ng mga pamilya ng mga bansa ay luluhod sa iyong harapan. 28 Dahil ang kaharian ay kay Yahweh; siya ang namumuno sa mga bansa. 29 Lahat ng mga mayayaman sa lupa ay magpipista at sasamba; silang lahat na mapupunta sa alabok ay luluhod sa harapan niya, sila na hindi kayang panatilihin ang kanilang sariling buhay. 30 Ang isang salinlahi ay darating para siya ay paglingkuran; sasabihin nila sa susunod na salinlahi ang tungkol sa Panginoon. 31 Darating sila at ipapahayag ang kaniyang katuwiran; ipamamalita nila sa mga taong hindi pa naipapanganak kung ano ang kaniyang nagawa!

Chapter 23

1 Si Yahweh ang aking pastol; hindi ako magkukulang. 2 Pinahihiga niya ako sa luntiang mga pastulan; inaakay niya ako sa tabi ng payapang tubigan. 3 Binabalik niya ang aking buhay; ginagabayan niya ako sa tamang landas alang-alang sa kaniyang pangalan. 4 Kahit na lumakad ako sa gitna ng napakadilim na anino ng lambak, hindi ko katatakutan ang kapahamakan dahil ikaw ang kasama ko; ang iyong pamalo at iyong tungkod ang nagpapayapa sa akin. 5 Ipinaghahanda mo ako ng isang hapag sa harapan ng aking mga kaaway; binuhusan mo ng langis ang aking ulo; ang saro ko ay nag-uumapaw. 6 Tiyak na kabutihan at katapatan sa tipan ang hahabol sa akin sa lahat ng mga araw ng aking buhay; at ako ay mananahanan sa tahanan ni Yahweh habang buhay!

Chapter 24

1 Ang buong lupain ay kay Yahweh, ang daigdig at ang lahat ng naninirahan dito. 2 Dahil itinatag niya ito sa mga karagatan at itinaguyod sa mga ilog. 3 Sino ang aakyat sa bundok ni Yahweh? Sino ang tatayo sa kaniyang banal na lugar? 4 Siya na may malinis na mga kamay at dalisay na puso; siyang hindi nagtatanghal ng mga kasinungalingan, at hindi nanunumpa para lang manlinlang. 5 Makatatanggap siya ng pagpapala mula kay Yahweh at katuwiran mula sa Diyos ng kaniyang kaligtasan. 6 Iyan ang salinlahi ng mga naghahanap sa kaniya, sila na humahanap sa mukha ng Diyos ni Jacob. Selah 7 Bumukas kayo, kayong mga tarangkahan, bumukas kayo, kayong walang-hanggang mga pintuan, para ang Hari ng kaluwalhatian ay makapasok! 8 Sino ang Hari ng kaluwalhatian? Si Yahweh, ang malakas at makapangyarihan; si Yahweh, ang makapangyarihan sa digmaan. 9 Bumukas kayo, kayong mga tarangkahan, bumukas kayo, kayong walang-hanggang mga pintuan, para ang Hari ng kaluwalhatian ay makapasok! 10 Sino ang Hari ng kaluwalhatian? Si Yahweh ng mga hukbo, siya ang Hari ng kaluwalhatian. Selah

Chapter 25

1 Sa iyo Yahweh, Itinataas ko ang aking buhay! 2 Aking Diyos, ako ay nagtitiwala sa iyo. Huwag mo akong hayaang mapahiya; huwag mong hayaan na magalak ng may katagumpayan sa akin ang aking mga kaaway. 3 Nawa walang sinumang umaasa sa iyo ang maalipusta; nawa ang mga nagsisigawa ng kataksilan na walang dahilan ay mapahiya! 4 Ipaalam mo sa akin ang iyong mga kaparaanan, Yahweh, ituro mo sa akin ang iyong mga landas. 5 Patnubayan mo ako sa iyong katotohanan at turuan mo ako, dahil ikaw ang Diyos ng aking kaligtasan; Ako ay umaasa sa iyo buong araw. 6 Alalahanin mo, Yahweh, ang iyong mga gawa ng kahabagan at sa katapatan sa tipan; dahil lagi silang nananatili magpakailanman. 7 Huwag mong alalahanin ang tungkol sa mga kasalanan ng aking kabataan o ang aking pagrerebelde; alalahanin mo ako na may katapatan sa tipan dahil sa iyong kabutihan, Yahweh! 8 Si Yahweh ay mabuti at matuwid; kaya itinuturo niya ang daan sa mga makasalanan. 9 Pinapatnubayan niya ang mapagpakumbaba na may katarungan at itinuturo niya ang kanyang daan sa mga mapagpakumbaba. 10 Ang lahat ng mga landas ni Yahweh ay ginawa mula sa katapatan sa tipan at pagiging mapagkakatiwalaan sa mga nag-iingat ng kanyang tipan at kanyang mga tapat na kautusan. 11 Alang-alang sa iyong pangalan, Yahweh, patawarin mo ang aking kasalanan, dahil ito ay napakalaki. 12 Sino ang taong may takot kay Yahweh? Tuturuan siya ng Panginoon sa daan na dapat niyang piliin. 13 Ang kanyang buhay ay magpapatuloy sa kabutihan; at ang kanyang mga kaapu-apuhan ay magmamana ng lupain. 14 Ang pakikipagkaibigan ni Yahweh ay para sa mga nagbibigay karangalan sa kanya, at pinapahayag ang kanyang tipan sa kanila. 15 Ang aking mga mata ay laging nakatuon kay Yahweh, dahil pakakawalan niya ang aking mga paa mula sa lambat. 16 Bumaling ka sa akin at kaawaan mo ako; dahil ako ay nag-iisa at nahihirapan. 17 Ang mga kaguluhan ng aking puso ay lumalawak; hanguin mo ako mula sa aking pagkabalisa. 18 Masdan mo ang aking paghihirap at mga pasakit; patawarin mo lahat ng aking mga kasalanan. 19 Masdan mo ang aking mga kaaway, dahil sila ay marami; kinamumuhian nila ako nang may malupit na pagkagalit. 20 Pangalagaan mo ang aking buhay at sagipin mo ako; hindi ako mapapahiya, dahil nagkukubli ako sa iyo! 21 Nawa ingatan ako ng dangal at pagkamakatwiran, dahil umaasa ako sa iyo. 22 Sagipin mo ang Israel, O Diyos, sa lahat ng kaniyang mga kaguluhan!

Chapter 26

1 Hatulan mo ako, Yahweh, dahil lumakad ako nang may dangal; Nagtiwala ako kay Yahweh nang walang pag-aalinlangan. 2 Siyasatin mo ako, Yahweh, at ako ay iyong subukin; subukin mo ang kadalisayan ng aking mga kaloob-looban at ang aking puso! 3 Dahil ang iyong katapatan sa tipan ay nasa harap ng aking mga mata, at ako ay lumalakad sa iyong katotohanan. 4 Hindi ako nakikisama sa mga mandaraya, o nakikisalamuha sa mga hindi tapat. 5 Napopoot ako sa kapulungan ng mga gumagawa ng kasamaan, at hindi ako nakikipamuhay sa mga masasama. 6 Hinuhugasan ko ang aking mga kamay sa kawalan ng kasalanan, at pumupunta ako sa paligid ng iyong altar, Yahweh, 7 para umawit ng isang malakas na awitin ng papuri at ibalita ang lahat ng iyong mga kahanga-hangang mga gawa. 8 Yahweh, mahal ko ang tahanan kung saan ka naninirahan, ang lugar na pinananahanan ng iyong kaluwalhatian. 9 Huwag mo akong walisin kasama ng mga makasalanan, o ang aking buhay kasama ng mga taong hayok sa dugo, 10 kung saan ang mga kamay ay may masamang balak, at sa kanang kamay ay puno ng mga suhol. 11 Pero para sa akin, lalakad ako nang may dangal; tubusin mo ako at maawa ka sa akin. 12 Nakatayo ang aking paa sa pantay na tuntungan; sa mga kapulungan ay pupurihin ko si Yahweh!

Chapter 27

1 Si Yahweh ang aking liwanag at aking kaligtasan; kanino ako matatakot? Si Yahweh ang kanlungan ng aking buhay; kanino ako mangangamba? 2 Nang lumapit sa akin ang mga gumagawa ng kasamaan para lamunin ang aking laman, ang aking mga kalaban at ang aking mga kaaway ay nadapa at nabuwal. 3 Kahit ang isang hukbo ay nagsasama-sama laban sa akin, ang aking puso ay hindi matatakot; kahit digmaan ay umusbong laban sa akin, kahit ganoon ay mananatili akong nagtitiwala. 4 Isang bagay ang aking hiniling kay Yahweh, at iyon ay aking hahanapin: na ako ay mananahan sa tahanan ni Yahweh sa lahat ng mga araw ng aking buhay, para makita ang kagandahan ni Yahweh at para magnilay-nilay sa kanyang templo. 5 Dahil sa araw ng kaguluhan ay ikukubli niya ako sa kanyang kubol; sa loob ng kanyang tolda ay itatago niya ako. Itataas niya ako sa ibabaw ng isang malaking bato! 6 Pagkatapos ay itataas ang aking ulo nang mas angat kaysa aking mga kaaway na nasa paligid ko, at ako ay maghahain ng mga handog ng kagalakan sa kanyang tolda! Aawit ako at gagawa ng mga awitin kay Yahweh! 7 Pakinggan mo, Yahweh, ang aking tinig kapag ako ay umiiyak! Maawa ka sa akin, at sagutin mo ako! 8 Sinasabi ng aking puso tungkol sa iyo, "Hanapin ang kaniyang mukha!" Hahanapin ko ang iyong mukha, Yahweh! 9 Huwag mong itago ang iyong mukha sa akin; huwag mong saktan ang iyong lingkod sa galit! Ikaw ang aking naging katuwang; huwag mo akong pabayaan o iwanan, Diyos ng aking kaligtasan! 10 Kahit na pabayaan ako ng aking ama o ng aking ina, si Yahweh ang mag-aaruga sa akin. 11 Ituro mo sa akin ang iyong daan, Yahweh! Pangunahan mo ako sa patag na landas dahil sa aking mga kaaway. 12 Huwag mo akong ibigay sa mga hangarin ng aking mga kaaway, dahil ang mga sinungaling na saksi ay nagsitindig laban sa akin, at sila ay bumuga ng karahasan! 13 Ano kaya ang nangyari sa akin kung hindi ako naniwala na makikita ko ang kabutihan ni Yahweh sa lupain ng mga buhay? 14 Maghintay kayo kay Yahweh; maging matatag, at hayaan na maging matapang ang inyong puso! Maghintay kayo kay Yahweh!

Chapter 28

1 Sa iyo, Yahweh, ako ay umiiyak; aking malaking Muog, huwag mo akong pabayaan. Kung hindi mo ako tutugunan, mabibilang ako sa mga bumababa sa libingan. 2 Dinggin ang tinig ng aking pagsusumamo kapag ako ay humihingi ng tulong sa iyo, kapag itinataas ko ang aking mga kamay sa iyong pinakabanal na lugar! 3 Huwag mo akong kaladkarin palayo kasama ng masasama, silang gumagawa ng malaking kasalanan, na nagsasalita ng kapayapaan sa kanilang kapwa pero may kasamaan sa kanilang mga puso. 4 Ibigay sa kanila kung ano ang nararapat sa kanilang mga gawa at ibalik sa kanila kung ano ang hinihingi ng kanilang kasamaan; ibalik sa kanila ang mga gawa ng kanilang mga kamay; igawad sa kanila ang nararapat. 5 Dahil hindi nila nauunawaan ang mga paraan ni Yahweh o ang gawa ng kaniyang mga kamay, sila ay kaniyang pupuksain at hindi kailanman itatayong muli. 6 Pagpalain si Yahweh dahil dininig niya ang tinig ng aking pagsusumamo! 7 Si Yahweh ang aking kalakasan at ang aking kalasag; ang puso ko ay nagtitiwala sa kaniya, at tinulungan ako. Kaya labis na nagagalak ang aking puso, at pupurihin ko siya nang may pag-awit. 8 Si Yahweh ang kalakasan ng kaniyang bayan, at kanlungang nagliligtas sa kaniyang hinirang. 9 Iligtas mo ang iyong bayan at pagpalain ang iyong pamana. kayo ay maging pastol nila at aalagaan sila magpakailanman.

Chapter 29

1 Kilalanin na si Yahweh-- kayo na mga anak ng makapangyarihan-- kilalanin na si Yahweh ay may kaluwalhatian at kapangyarihan! 2 Ibigay kay Yahweh ang karangalan na nararapat sa kaniyang pangalan; sambahin si Yahweh sa pananamit na naaangkop para sa kaniyang kabanalan. 3 Ang tinig ni Yahweh ay naririnig sa ibabaw ng mga katubigan; dumadagundong ang Diyos ng kaluwalhatian, dumadagundong si Yahweh sa ibabaw ng katubigan. 4 Ang tinig ni Yahweh ay makapangyarihan; ang tinig ni Yahweh ay kamangha-mangha. Ang tinig ni Yahweh ay nakawawasak ng mga sedar; 5 Ang tinig ni Yahweh ay napagpipira-piraso ang mga sedar ng Lebanon. 6 Pinalulukso niya ang Lebanon tulad ng isang guya at ang Sirion tulad ng isang batang baka. 7 Bumubuga ng lumalagablab na apoy ang tinig ni Yahweh. 8 Ang tinig ni Yahweh ang yumayanig sa ilang; si Yahweh ang yumayanig sa ilang ng Kades. 9 Ang tinig ni Yahweh ang nagdudulot na manganak ang babaeng usa; kinakalbo nito ang mga gubat; pero sa kaniyang templo ang lahat ay nagsasabing, "Kaluwalhatian!" 10 Si Yahweh ay umuupo bilang hari sa ibabaw ng baha; si Yahweh ay umuupo bilang hari magpakailanman. 11 Si Yahweh ang nagbibigay-lakas sa kaniyang bayan; Pinagpapala ni Yahweh ng kapayapaan ang kaniyang bayan.

Chapter 30

1 Itinataas kita, Yahweh, dahil ibinangon mo ako at hindi pinahintulutan ang aking mga kalaban na magalak dahil sa akin. 2 Yahweh aking Diyos, humingi ako sa iyo ng tulong, at pinagaling mo ako. 3 Yahweh, hinango mo ang aking kaluluwa mula sa Sheol; pinanatili mo akong buhay mula sa pagbaba sa libingan. 4 Umawit ng mga papuri kay Yahweh, kayong bayan niyang matapat! Magbigay ng pasasalamat kapag naalaala ninyo ang kaniyang kabanalan. 5 Dahil ang kaniyang galit ay isang saglit lamang; pero ang kaniyang pabor ay panghabangbuhay. Ang pag-iyak ay dumarating sa gabi, pero ang kagalakan ay dumarating sa umaga. 6 Buong tiwala kong sinabi, "Hindi ako kailanman mayayanig." 7 Yahweh sa pamamagitan ng iyong pabor ako ay itinatag mo tulad ng isang matatag na bundok; pero kapag itinago mo ang iyong mukha, ako ay naligalig. 8 Umiyak ako sa iyo, Yahweh, at naghanap ng pabor mula sa aking Panginoon! 9 Anong pakinabang mayroon sa aking kamatayan, kung ako ay bababa sa libingan? Mapapapurihan ka ba ng alabok? Maipapahayag ba nito na ikaw ay mapagkakatiwalaan? 10 Pakinggan mo, Yahweh, at ako ay kaawaan! Yahweh, ikaw ay maging katuwang ko. 11 Pinalitan mo ang aking pagluluksa ng pagsasayaw; hinubad mo ang aking sako at dinamitan ako ng kagalakan. 12 Kaya ngayon ang naparangalan kong puso ay aawit nang papuri sa iyo at hindi mananahimik; Yahweh aking Diyos, magbibigay ako ng pasasalamat sa iyo magpakailanman!

Chapter 31

1 Sa iyo, Yahweh, kumukubli ako; huwag mo akong hayaan na mapahiya. Iligtas mo ako sa iyong katuwiran. 2 Makinig ka sa akin; sagipin mo ako agad; ikaw ang aking maging bato ng kanlungan, isang matibay na tanggulan para iligtas ako. 3 Dahil ikaw ang aking bato at aking tanggulan; alang-alang sa iyong pangalan, gabayan at patnubayan mo ako. 4 Kunin mo ako sa lambat na kanilang ikinubli para sa akin, dahil ikaw ang aking kanlungan. 5 Ipinagkakatiwala ko sa iyong mga kamay ang aking espiritu; tutubusin mo ako, Yahweh, Diyos ng katapatan. 6 Kinamumuhian ko ang mga naglilingkod sa mga walang kwentang diyos-diyosan, pero nagtitiwala ako kay Yahweh. 7 Matutuwa ako at magagalak sa iyong katapatan sa tipan, dahil nakita mo ang aking kapighatian; alam mo ang pagkabalisa ng aking kaluluwa. 8 Hindi mo ako isinuko sa aking mga kaaway. Inilagay mo ang aking mga paa sa isang malawak na lugar. 9 Maawa ka sa akin, Yahweh, dahil ako ay nasa kahirapan; ang aking mga mata ay napapagod sa kalungkutan kasama ang aking kaluluwa at aking katawan. 10 Dahil ang aking buhay ay pagod sa kalungkutan at ang mga taon ko na puro daing. Ang aking lakas ay nabibigo dahil sa aking kasalanan, at ang aking mga buto ay unti-unting nanghihina. 11 Dahil sa lahat ng aking mga kaaway, hinahamak ako ng mga tao; ang aking mga kapitbahay ay nangingilabot dahil sa aking kalagayan, at mga taong nakakakilala sa akin ay nangangamba. Ang mga nakakakita sa akin sa kalye ay tumatakbo palayo sa akin. 12 Nilimot ako na parang patay na walang sinuman ang nakakaalala. Ako ay tulad ng isang basag na palayok. 13 Dahil aking narinig ang bulong-bulungan ng nakararami, nakakasindak na balita mula sa lahat ng dako habang ang mga iba ay parang nagpaplano na magkakasama laban sa akin. Sila ay nagpaplanong kunin ang aking buhay. 14 Pero umaasa ako sa iyo, Yahweh; sinasabi ko, "Ikaw ang aking Diyos." 15 Ang aking kapalaran ay nasa iyong mga kamay. Iligtas mo ako sa kamay ng aking mga kaaway at mula sa mga humahabol sa akin. 16 Paliwanagin mo ang iyong mukha sa iyong lingkod; iligtas mo ako sa iyong katapatan sa tipan. 17 Huwag mong hayaan na mapahiya ako, Yahweh; dahil nananawagan ako sa iyo! Nawa ang masama ay mapahiya! Nawa sila ay mapatahimik sa Sheol. 18 Nawa mapatahimik ang mga sinungaling na labi na nagsasalita ng suwail laban sa matuwid ng may pagmamataas at paghamak. 19 Napakadakila ng iyong kabutihang hinanda mo para sa mga sumasamba sa iyo, na tinupad mo para sa mga nagkukubli sa iyo sa harap ng buong sangkatauhan! 20 Sa kanlungan ng iyong presensya, ikinukubli mo sila mula sa mga balakin ng mga tao. Ikinukubli mo sila sa isang kanlungan mula sa marahas na mga dila. 21 Purihin si Yahweh, dahil ipinakita niya sa akin ang kaniyang kagila-gilalas na katapatan sa tipan noong ako ay nasa isang nilusob na lungsod. 22 Kahit na nabanggit ko sa aking pagmamadali, "Ako ay napalayo mula sa iyong mga mata," gayumpaman dininig mo ang aking pagmamakaawa, nang ako ay dumaing sa iyo. 23 O, ibigin si Yahweh, kayong lahat na mga matatapat na tagasunod. Iniingatan ni Yahweh ang tapat, pero pinagbabayad niya ng buo ang mapagmataas. 24 Maging matatag at panatag, lahat kayo na nagtitiwala kay Yahweh para sa tulong.

Chapter 32

1 Mapalad ang tao na pinatawad ang kaniyang pagsuway, na tinakpan ang kaniyang kasalanan. 2 Mapalad ang tao na siyang pinapalagay ni Yahweh na walang pagkakasala at ang espiritu na walang panlilinlang. 3 Kapag nanatili akong tahimik, ang aking mga buto ay unti-unting nadudurog habang ako ay dumadaing buong araw. 4 Dahil araw at gabi ang iyong kamay ay mabigat sa akin. Nalanta ang aking kalakasan tulad ng tagtuyot sa tag-araw. Selah 5 Pagkatapos inamin ko ang aking kasalanan sa iyo, at hindi ko na ikinubli ang aking kasamaan. Sinabi ko, "aaminin ko ang pagsuway ko sa iyo Yahweh," at pinatawad mo ang kabigatan ng aking kasalanan. Selah 6 Dahil dito, ang lahat ng makadiyos ay dapat manalangin sa iyo sa oras ng mabigat na paghihirap. Pagkatapos kapag ang daluyong ng tubig ay umapaw, hindi nila maabot ang mga tao. 7 Ikaw ang aking kublihan; babantayan mo ako sa kaguluhan. Papalibutan mo ako ng mga awit ng pagtatagumpay. Selah 8 Pangangaralan kita at ituturo sa iyo ang daan na dapat mong lakaran. Pangangaralan kita habang nagmamasid ako sa iyo. 9 Huwag kang tumulad sa isang kabayo o katulad ng isang asno, na walang pagkakaintindi; dahil lamang sa renda sa bibig kaya napapasunod sila kung saan mo sila gustong papuntahin. 10 Ang mga masasama ay maraming kapighatian, pero ang katapatan sa tipan ni Yahweh ang papalibot sa nagtitiwala sa kaniya. 11 Magalak kay Yahweh, at magalak kayo, kayong mga matutuwid; sumigaw sa galak, ang lahat ng pusong matuwid.

Chapter 33

1 Magalak kay Yahweh, kayong mga matuwid; ang papuri ay angkop para sa matuwid. 2 Pasalamatan si Yahweh na may alpa; awitan siya ng mga papuri niya ng may alpa na sampung kuwerdas. 3 Awitan siya ng bagong awit; tumugtog nang mahusay at umawit ng may kagalakan. 4 Dahil ang salita ni Yahweh ay matuwid, at ang lahat ng kaniyang ginagawa ay patas. 5 Iniibig niya ang katuwiran at katarungan. Ang lupa ay puno ng katapatan sa tipan ni Yahweh. 6 Sa pamamagitan ng salita ni Yahweh ang mga langit ay nalikha, at ang lahat ng mga bituin ay nagawa sa pamamagitan ng hininga ng kaniyang bibig. 7 Tinitipon niya ang tubig ng dagat na parang isang tumpok; nilalagay niya ang mga karagatan sa mga imbakan. 8 Hayaan ang buong mundo na matakot kay Yahweh; hayaan ang lahat ng nananahan sa mundo ay mamangha sa kanya. 9 Dahil siya ay nagsalita, at nangyari ito; siya ay nag-utos, at tumayo ng matayog. 10 Binibigo ni Yahweh ang pagsasanib ng mga bansa; siya ang nananaig sa mga plano ng mga tao. 11 Ang mga plano ni Yahweh ay nananatili magpakailanman, ang mga plano ng kanyang puso para sa lahat ng salinlahi. 12 Mapalad ang bansa na ang Diyos ay si Yahweh; ang bayan na kaniyang pinili bilang kanyang sariling pag-aari. 13 Nagmamasid si Yahweh mula sa kalangitan; nakikita niya ang lahat ng mga tao. 14 Mula sa lugar kung saan siya nananahan, siya ay tumingin sa lahat ng nananahan sa lupa. 15 Siya na humuhubog ng mga puso nilang lahat ay nagmamasid sa lahat ng kanilang mga gawi. 16 Walang hari ang naligtas sa pamamagitan ng isang malaking hukbo; ang isang mandirigma ay hindi naligtas sa pamamagitan ng kanyang dakilang lakas. 17 Ang isang kabayo ay hindi tunay na kasiguruhan ng tagumpay; sa kabila ng kanyang kalakasan, ay hindi siya makakapagligtas. 18 Tingnan ninyo, ang mata ni Yahweh ay nasa kanila na may takot sa kaniya, sa mga taong umaasa sa kaniyang katapatan sa tipan 19 para mailigtas ang kanilang mga buhay mula sa kamatayan at panatilihin silang buhay sa mga panahon ng taggutom. 20 Kami ay naghihintay kay Yahweh; siya ang aming saklolo at aming kalasag. 21 Ang aming mga puso ay nagagalak sa kaniya, dahil kami ay nagtitiwala sa kaniyang banal na pangalan. 22 Hayaan mo ang iyong katapatan sa tipan, Yahweh, ay mapasaamin habang nilalagay namin ang aming pag-asa sa iyo.

Chapter 34

1 Pupurihin ko si Yahweh sa lahat ng oras; ang kaniyang kapurihan ay laging mamumutawi sa aking bibig. 2 Pupurihin ko si Yahweh; nawa marinig ito ng api at sila ay matuwa. 3 Purihin natin si Yahweh; sama-sama nating itaas ang kaniyang pangalan. 4 Hinanap ko si Yahweh, at tumugon siya, at sa lahat ng mga takot ko tagumpay ang ibinigay niya. 5 Nagniningning ang mga tumitingin sa kaniya, at ang kanilang mga mukha ay hindi nahihiya. 6 Ang inapi ay umiyak, at narinig siya ni Yahweh at niligtas mula sa lahat ng kaniyang mga kaguluhan. 7 Ang anghel ni Yahweh ay nagkakampo sa paligid ng may mga takot sa kaniya, at sila ay nililigtas niya. 8 Tikman at masdan na si Yahweh ay mabuti; mapalad ang taong kumukubli sa kaniya. 9 Katakutan ninyo si Yahweh, kayo na kaniyang banal na bayan; hindi nagkukulang ang mga may takot sa kaniya. 10 Ang batang leon minsan ay nagkukulang sa pagkain at nagugutom; pero ang mga humahanap kay Yahweh ay hindi magkukukulang ng anumang bagay na mabuti. 11 Halikayo, mga bata, makinig kayo sa akin; ituturo ko sa inyo ang takot kay Yahweh. 12 Sinong naghahangad ng buhay at naghahangad ng mahabang panahon na mabuhay at magkaroon ng magandang buhay? 13 Kung ganoon, lumayo kayo sa pagsasabi ng masama, at ilayo ang inyong mga labi sa pagsasabi ng mga kasinungalingan. 14 Tumalikod kayo sa kasamaan at gumawa ng mabuti; hangarin ninyo ang kapayapaan at ito ay palaganapin. 15 Ang mga mata ni Yahweh ay nasa mga matutuwid, at sa kanilang mga iyak nakatuon ang kaniyang pandinig. 16 Si Yahweh ay laban sa mga gumagawa ng masama, para burahin ang kanilang alala sa mundo. 17 Ang mga matutuwid ay umiiyak, at naririnig ito ni Yahweh at mula sa lahat ng kanilang mga kaguluhan, nililigtas sila. 18 Si Yahweh ay malapit sa mga wasak ang puso, at inililigtas niya ang mga nadurog ang espiritu. 19 Maraming mga problema ang mga matutuwid, pero sa lahat ng iyon si Yahweh ang nagbibigay ng tagumpay. 20 Iniingatan niya ang lahat ng kaniyang mga buto; ni isa sa kanila ay walang masisira. 21 Papatayin ng masama ang makasalanan; ang mga galit sa matutuwid ay mahahatulan. 22 Ang mga kaluluwa ng kaniyang mga lingkod ay tinutubos ni Yahweh; walang mahahatulan sa mga kumukubli sa kaniya.

Chapter 35

1 Kumilos ka laban sa mga kumikilos laban sa akin O Yahweh; labanan mo ang mga lumalaban sa akin. 2 Kunin mo ang iyong maliit na pananggalang at malaking pananggalang; bumangon ka at ako ay iyong tulungan. 3 Sa mga humahabol sa akin gamitin mo ang iyong mga sibat at palakol; sa kaluluwa ko ay iyong sabihin, "Ako ang iyong kaligtasan." 4 Nawa ang mga naghahangad sa aking buhay ay mapahiya at masira ang puri. Nawa ang mga nagbabalak na saktan ako ay tumalikod at malito. 5 Nawa sila ay maging tulad ng hinanging ipa, sa pagtataboy ng anghel ni Yahweh sa kanila. 6 Nawa ang kanilang daraanan ay maging madilim at madulas, habang tinutugis sila ng anghel ni Yahweh. 7 Nang walang dahilan, naglagay sila ng lambat para sa akin; nang walang dahilan nagbungkal sila ng hukay para sa aking buhay. 8 Hayaan mo na dumating sa kanila nang hindi inaasahan ang pagkawasak. Hayaan mo na mahuli sila ng inilagay nilang lambat. Sa kanilang pagkawasak, hayaan mong sila ay bumagsak. 9 Pero magsasaya ako kay Yahweh at magagalak sa kaniyang kaligtasan. 10 Sa aking buong lakas sasabihin ko, "Sino ang katulad mo, Yahweh, na siyang nagliligtas sa mga api mula sa mas malakas kaysa sa kanila at ang mahihirap at nangangailangan mula sa mga nagtatangka na nakawan sila?" 11 Dumarami ang masasamang saksi; pinararatangan nila ako nang hindi totoo. 12 Binayaran nila ng kasamaan ang aking kabutihan. Ako ay nagdadalamhati. 13 Pero, nang maysakit sila, nagsuot ako ng sako; nag-ayuno ako para sa kanila na nakatungo ang aking dibdib. 14 Nagdalamhati ako para sa aking mga kapatid; lumuhod ako sa pagluluksa para sa aking ina. 15 Pero nang ako ay natisod, natuwa sila at nagsama-sama; nagsama-sama sila laban sa akin, at ako ay ginulat nila. Winarak nila ako nang walang humpay. 16 Walang galang nila akong hinamak; nangalit ang kanilang mga ngipin sa akin. 17 Panginoon hanggang kailan ka titingin? Iligtas mo ang aking kaluluwa mula sa kanilang mga mapangwasak na pag-atake, ang buhay ko mula sa mga leon. 18 Pagkatapos magpapasalamat ako sa iyo sa dakilang pagpupulong; pupurihin kita sa maraming tao. 19 Huwag mong hayaang magdiwang sa akin ang mapanlinlang kong mga kaaway; huwag mo silang hayaang magawa ang kanilang masasamang mga balak. 20 Dahil hindi sila nagsasalita ng kapayapaan, sa halip, nagpaplano sila ng mga salitang mapanlinlang laban sa naninirahan sa aming lupain na mapayapang namumuhay. 21 Binubuka nila ng malaki ang kanilang mga bibig laban sa akin; sabi nila, "Ha, ha, nakita namin ito." 22 Nakita mo ito, Yahweh, huwag kang manahimik; huwag kang lumayo sa akin Panginoon. 23 Bumangon ka at gumising para ipagtanggol ako; aking Diyos at Panginoon, ipagtanggol mo ang aking panig. 24 Ipagtanggol mo ako, Yahweh aking Diyos, dahil sa iyong katuwiran; huwag mo silang hayaang magalak sa akin. 25 Huwag mong hayaang sabihin nila sa kanilang puso na, "Aha, nakuha na namin ang aming nais." Huwag mong hayaan na sabihin nila, "Nilamon namin siya." 26 Ilagay mo sila sa kahihiyan at lituhin mo silang nagnanais na saktan ako. Nawa ang mga gustong humamak sa akin ay mabalot ng kahihiyan at kasiraan. 27 Hayaan mong ang mga nagnanais ng paglaya ko ay sumigaw sa galak at matuwa; nawa patuloy nilang sabihin, "Purihin si Yahweh, siya na nasisiyahan sa kapakanan ng kaniyang lingkod." 28 Pagkatapos nito ang katarungan mo at kapurihan ay buong araw kong ihahayag.

Chapter 36

1 Nagsasalita ang kasalanan gaya ng mensahe sa puso ng taong masama; walang pagkatakot sa Diyos sa kaniyang mga mata. 2 Dahil pinagiginhawa niya ang kaniyang sarili, iniisip na ang kaniyang kasalanan ay hindi matutuklasan at kasusuklaman. 3 Ang kaniyang mga salita ay makasalanan at mapanlinlang; ayaw niyang maging matalino at gumawa ng mabuti. 4 Habang siya ay nakahiga sa kaniyang kama, nagbabalak siya ng mga paraan para magkasala; siya ay nagtatakda ng masamang paraan; hindi niya iniiwasan ang kasalanan. 5 Ang iyong katapatan sa tipan, Yahweh, ay umaabot sa kalangitan; ang iyong katapatan ay umaabot sa mga kaulapan. 6 Ang iyong katarungan ay gaya ng pinakamataas na mga bundok; ang iyong katarungan ay gaya ng pinakamalalim na dagat. Yahweh, pinangangalagaan mo ang kapwa sangkatauhan at mga hayop. 7 Napakahalaga ng iyong katapatan sa tipan, O Diyos! Ang sangkatauhan ay kumakanlong sa ilalim ng anino ng iyong mga pakpak. 8 Sila ay masaganang masisiyahan sa kayamanan ng mga pagkain sa iyong bahay; hahayaan mo silang uminom mula sa ilog ng iyong mahalagang mga pagpapala. 9 Dahil kasama mo ang bukal ng buhay; sa iyong liwanag ay aming makikita ang liwanag. 10 Palawigin mo ang iyong katapatan sa tipan nang lubusan sa mga na nakakakilala sa iyo, ang pagtatanggol mo sa matuwid ang puso. 11 Huwag mong hayaan ang paa ng mayabang na makalapit sa akin. Huwag mong hayaan ang kamay ng masama na palayasin ako. 12 Doon ang masasama ay natalo; sila ay bumagsak at wala ng kakayahang bumangon.

Chapter 37

1 Huwag kang mainis dahil sa masasamang tao; huwag kang mainggit sa mga umasal nang hindi makatuwiran. 2 Dahil sila ay malapit nang matuyo gaya ng damo at malanta gaya ng luntiang mga halaman. 3 Magtiwala ka kay Yahweh at gawin kung ano ang matuwid; tumira ka sa lupain at gawin mong tungkulin ang katapatan. 4 Pagkatapos hanapin mo ang kaligayahan kay Yahweh, at ibibigay niya sa iyo ang mga naisin ng iyong puso. 5 Ibigay mo ang iyong pamamaraan kay Yahweh; magtiwala ka sa kaniya, at siya ang kikilos para sa iyo. 6 Itatanghal niya ang iyong katarungan gaya ng liwanag ng araw at ang iyong kawalang-muwang gaya ng araw sa tanghali. 7 Tumigil ka sa harap ni Yahweh at matiyagang maghintay sa kaniya. Huwag kang mag-alala kung may taong mapagtatagumpayan ang kaniyang masamang balakin kung ang tao ay gumagawa ng masamang mga plano. 8 Huwag kang magalit at madismaya. Huwag kang mag-alala, ito ay gumagawa lamang ng problema. 9 Ang mga mapaggawa ng kasamaan ay aalisin, pero ang mga naghihintay kay Yahweh ay magmamana ng lupain. 10 Sa maikling panahon ang masama ay mawawala, mamamasdan mo ang kaniyang kinalulugaran, pero siya ay mawawala. 11 Pero ang mapagkumbaba ay mamanahin ang lupain at magagalak sa lubos na kasaganahan. 12 Ang makasalanan ay nagbabalak laban sa matuwid at nginangalit ang kaniyang ngipin laban sa kaniya. 13 Ang Panginoon ay tinatawanan siya, dahil nakikita niya na ang kaniyang araw ay parating na. 14 Binunot ng masama ang kanilang mga espada at binaluktot ang kanilang mga pana para ilugmok ang mga naaapi at nangangailangan, para patayin ang mga matuwid. 15 Ang kanilang mga espada ang sasaksak sa kanilang mga puso, at ang kanilang mga pana ay masisira. 16 Mas mabuti ang kaunti na mayroon ang matuwid kaysa sa kasaganahan ng masasama. 17 Dahil ang mga bisig ng masasama ay mababali, pero si Yahweh ang sumusuporta sa mga matutuwid. 18 Binabantayan ni Yahweh ang mga walang kasalanan araw-araw, at ang kanilang mana ay mananatili magpakailanman. 19 Hindi sila mahihiya sa panahon ng problema. Sa panahon na dumating ang taggutom, sila ay may sapat na kakainin. 20 Pero ang masasama ay mamamatay. Ang mga kaaway ni Yahweh ay magiging tulad ng kasaganahan ng mga pastulan; sila ay mawawala at maglalaho sa usok. 21 Ang masama ay nangungutang pero hindi nagbabayad, pero ang matuwid ay mapagbigay at nagbibigay. 22 Ang mga pinagpala ni Yahweh ay mamanahin ang lupain; ang mga isinumpa niya ay tatanggalin. 23 Sa pamamagitan ni Yahweh naitatag ang mga hakbang ng isang tao, ang tao na ang balakin ay kapuri-puri sa paningin ng Diyos. 24 Bagama't siya ay nadapa, siya ay hindi babagsak, dahil hinahawakan siya ni Yahweh sa kaniyang kamay. 25 Ako ay naging bata at ngayon ay matanda na; hindi pa ako nakakakita ng matuwid na pinabayaan o mga anak niyang nagmamakaawa para sa tinapay. 26 Sa kahabaan ng araw siya ay mapagbigay-loob at nagpapahiram, at ang kaniyang anak ay naging isang pagpapala. 27 Tumalikod ka mula sa kasamaan at gawin mo kung ano ang tama; pagkatapos, magiging ligtas ka magpakailanman. 28 Dahil iniibig ni Yahweh ang katarungan at hindi pinababayaan ang kaniyang tapat na mga tagasunod. Sila ay pag-iingatan magpakailanman, pero ang kaapu-apuhan ng masama ay tatanggalin. 29 Mamanahin ng matuwid ang lupain at mamumuhay sila roon magpakailanman. 30 Ang bibig ng matuwid ay nagsasalita ng karunungan at nagdaragdag ng katarungan. 31 Ang batas ng kaniyang Diyos ay nasa kaniyang puso; ang kaniyang paa ay hindi madudulas. 32 Binabantayan ng masamang tao ang matuwid at binabalak siyang patayin. 33 Hindi siya pababayaan ni Yahweh na mapunta sa kamay ng masama o hatulan kapag siya ay nahusgahan. 34 Maghintay ka kay Yahweh at panatalihin mo ang kaniyang kaparaanan, at ikaw ay kaniyang itataas para angkinin ang lupain. Makikita mo kapag ang masasama ay tatanggalin. 35 Nakita ko ang masama at nakakikilabot na tao na nagkalat gaya ng luntiang puno sa likas nitong lupa. 36 Pero nang ako ay dumaan muli, siya ay wala na roon. Hinanap ko siya, pero hindi na siya matagpuan. 37 Pagmasdan mo ang taong may dangal, at tandaan mo ang matuwid; mayroong mabuting kinabukasan para sa taong may kapayapaan. 38 Ang mga makasalanan ay tuluyang mawawasak; ang kinabukasan para sa masasamang tao ay mapuputol. 39 Ang kaligtasan ng matutuwid ay nagmumula kay Yahweh; sila ay kaniyang pinangangalagaan sa mga panahon ng kaguluhan. 40 Sila ay tinutulungan at sinasagip ni Yahweh. Sinasagip niya sila mula sa masasama at iniligtas sila dahil sila ay kumubli sa kaniya.

Chapter 38

1 Yahweh, huwag mo akong sawayin sa iyong galit at huwag akong parusahan sa iyong poot. 2 Dahil tumatagos sa akin ang iyong mga palaso at ibinabagsak ako ng iyong kamay. 3 May karamdaman ang aking buong katawan dahil sa iyong galit; walang kalakasan ang aking mga buto dahil sa aking kasalanan. 4 Dahil nilunod ako ng aking mga kasalanan; napakabigat ng pasanin na ito para sa akin. 5 Lumala at nangamoy ang aking mga sugat dahil sa mga hangal kong kasalanan. 6 Tinatapakan ako at pinahihiya araw-araw; buong araw akong nagluluksa. 7 Dahil dinaig ako ng kahihiyan, may karamdaman ang aking buong katawan. 8 Manhid na ako at labis na nanlulupaypay; naghihinagpis ako dahil sa galit ng aking puso. 9 Panginoon, naiintindihan mo ang masidhing pagnanais ng aking puso at ang aking mga paghihinagpis ay hindi ko maitatago mula sa iyo. 10 Kumakabog ang aking puso, naglalaho ang aking lakas, at nanlalabo ang aking paningin. 11 Iniiwasan ako ng aking mga kaibigan dahil sa aking kalagayan; nilalayuan ako ng aking kapwa. 12 Silang mga naghahangad ng masama sa aking buhay ay naglagay ng mga patibong para sa akin. Silang naghahangad ng aking kapahamakan ay nagsasabi ng mga mapanira at mapanlinlang na mga salita buong araw. 13 Pero ako, tulad ako ng isang bingi na walang naririnig; tulad ako ng isang pipi na walang sinasabi. 14 Tulad ako ng isang taong hindi nakaririnig at walang katugunan. 15 Siguradong maghihintay ako para sa iyo, Yahweh; ikaw ay sasagot, Panginoong aking Diyos. 16 Sinasabi ko ito para hindi ako maliitin ng aking mga kaaway. Kung madudulas ang aking paa, gagawan nila ako ng mga nakakakilabot na mga bagay. 17 Dahil matitisod na ako at ako ay patuloy na naghihinanakit. 18 Inaamin ko ang aking pagkakasala; nababahala ako sa aking kasalanan. 19 Pero napakarami ng aking mga kaaway; ang mga napopoot ng mali ay marami. 20 Gumaganti sila ng masama sa aking kabutihan; nagbabato sila ng paratang sa akin kahit pinagpatuloy ko kung ano ang mabuti. 21 Huwag mo akong pabayaan, Yahweh; aking Diyos, huwag kang lumayo sa akin. 22 Magmadali kang pumunta para tulungan ako, Panginoon, na aking kaligtasan.

Chapter 39

1 Napagpasyahan ko, "Iingatan ko kung ano ang aking sasabihin para hindi magkasala dahil sa aking dila. Bubusalan ko ang aking bibig habang nasa harapan ng masamang tao." 2 Nanatili akong tahimik; pinigilan ko ang aking mga salita kahit na sa pagsasabi ng mabuti, at ang aking paghihirap ay lalong lumala. 3 Nag-aalab ang aking puso; kapag iniisip ko ang tungkol sa mga bagay na ito, nakapapaso ito tulad ng isang apoy. Kaya sa wakas nagsalita na ako. 4 Yahweh, ipaalam mo sa akin kung kailan ang katapusan ng aking buhay at ang kahabaan ng aking mga araw. Ipakita mo sa akin kung paano ako lilipas. 5 Tingnan mo, ginawa mo lamang kasing lapad ng aking kamay ang aking mga araw, at ang haba ng aking buhay ay balewala para sa iyo. Tunay na ang bawat tao ay parang isang hininga. Selah 6 Tunay nga na ang bawat tao ay lumalakad tulad ng isang anino. Tunay nga na ang lahat ng tao ay nagmamadali sa pag-iipon ng kayamanan kahit na hindi nila alam kung kanino mapupunta ito. 7 Ngayon, Panginoon, para saan ang aking paghihintay? Ikaw lamang ang aking pag-asa. 8 Ako ay bigyan mo ng katagumpayan sa lahat ng aking mga kasalanan: huwag mo akong gawing paksa ng pangungutya ng mga mangmang. 9 Nananahimik ako at hindi binubuksan ang aking bibig dahil sa iyong ginawa. 10 Itigil mo na ang pagpapahirap sa akin; nalulula ako sa pamamagitan ng hampas ng inyong kamay. 11 Kapag itinutuwid mo ang mga tao dahil sa kasalanan, dahan-dahan mong inuubos ang kanilang lakas tulad ng isang gamu-gamo; tunay na balewala ang lahat ng tao tulad ng singaw. Selah 12 Pakinggan mo ang aking dalangin, Yahweh, makinig ka sa akin, makinig ka sa aking pag-iyak! Huwag kang maging bingi sa akin, dahil tulad ako ng isang dayuhang kasama ninyo, isang nangibang-bayan tulad ng lahat ng aking mga ninuno. 13 Ibaling mo ang iyong pagtitig mula sa akin para muli akong makangiti bago ako mamatay."

Chapter 40

1 Matiyaga akong naghintay kay Yahweh; pinakinggan niya ako at dininig ang aking pag-iyak. 2 Inahon niyo din ako mula sa kakilakilabot na hukay, mula sa putikan, at itinayo niya ang aking mga paa sa isang bato at itinatag ang aking paglalakbay. 3 Siya ang naglagay sa aking mga bibig ng bagong awit, papuri sa ating Diyos. Marami ang makakaalam nito at pararangalan siya at magtitiwala kay Yahweh. 4 Mapalad ang taong ginagawa niyang sandigan si Yahweh at hindi nagpaparangal sa mayayabang o silang tumalikod mula sa kaniya tungo sa kasinungalingan. 5 Marami, Yahweh aking Diyos, ang kamangha-manghang bagay na iyong ginawa at hindi mabibilang ang iyong mga iniisip para sa akin; kung ihahayag ko at sasabihin ang mga ito, higit pa sa maaaring mabilang ang mga ito. 6 Hindi kayo nagagalak sa pag-aalay o paghahandog pero binuksan mo ang aking tainga; hindi mo hiniling ang mga sinunog na alay o mga alay sa kasalanan. 7 Pagkatapos sinabi ko, "Masdan mo, dumating ako; nasusulat sa balunbon nang kasulatan ang tungkol sa akin. 8 Nalulugod akong gawin ang iyong kalooban, aking Diyos; ang iyong mga batas ay nasa aking puso." 9 Pinahayag ko ang magandang balita ng iyong katuwiran sa malaking pagtitipon; Yahweh, alam mong hindi ko mapipigilan ang labi ko sa pagsasabi nito. 10 Hindi ko ikinubli ang iyong katuwiran sa aking puso; inihayag ko ang iyong katapatan at kaligtasan; hindi ko itinago ang iyong katapatan sa tipan o iyong pagiging mapagkakatiwalaan sa malaking pagtitipon. 11 Huwag mong ipagkait ang iyong mga maawing pagkilos sa akin, Yahweh; hayaan mong ang katapatan mo sa tipan at ang iyong pagiging mapagkakatiwalaan ay lagi pag-ingatan ako. 12 Nakapalibot sa akin ang hindi mabilang na kaguluhan; naipit ako ng aking kasamaan kaya wala na akong makitang anumang bagay; marami pa sila kaysa sa mga buhok sa aking ulo, at binigo ako ng aking puso. 13 Malugod ka, Yahweh, na ako ay iyong sagipin; magmadali kang tulungan ako, Yahweh. 14 Hayaan mo silang mapahiya at ganap na mabigo, silang mga naghahangad na kunin ang aking buhay. hayaan mo silang tumalikod at madala sa kahihiyan, silang mga nagagalak na saktan ako. 15 Hayaan mo silang masindak dahil sa kanilang kahihiyan, silang mga nagsasabi sa akin ng, "Aha, aha!" 16 Pero magalak nawa silang mga naghahanap sa iyo at sa iyo ay maging masaya; hayaan mong ang lahat ng nagmamahal sa iyong pagliligtas ang patuloy na magsabi, "Nawa si Yahweh ay mapapurihan." 17 Ako ay mahirap at nangangailangan; pero iniisip pa rin ako ng Panginoon. Ikaw ang aking katuwang at dumating ka para sagipin ako; huwag kang magtagal aking Diyos.

Chapter 41

1 Mapalad siya na may malasakit para sa mga mahihina; sa araw ng kaguluhan, Si Yahweh ang magliligtas sa kaniya. 2 Pangangalagaan siya ni Yahweh at buhay niya ay pananatilihin, at sa lupa siya ay pagpapalain. Hindi siya ibibigay ni Yahweh sa kapangyarihan ng kaniyang mga kaaway. 3 Si Yahweh ang aalalay sa kaniya sa higaan ng paghihirap; gagawin mong higaan ng kagalingan ang kaniyang higaan ng karamdaman. 4 Sinabi ko, "Yahweh, maawa ka sa akin! Pagalingin mo ako dahil nagkasala ako laban sa iyo." 5 Ang mga kaaway ko ay nagsasalita ng masama laban sa akin, nagsasabing, "Kailan kaya siya mamamatay at maglalaho ang kaniyang pangalan? 6 Kapag pumupunta ang kaaway ko para makita ako, nagsasabi siya ng mga bagay na walang kwenta; iniipon ng kaniyang puso ang aking sakuna para sa kaniyang sarili, kapag lumayo siya mula sa akin, ipinagsasabi niya sa iba ang tungkol dito. 7 Lahat ng mga napopoot sa akin ay sama-samang nagbubulungan laban sa akin; laban sa akin, umaasa sila na masaktan ako. 8 "Isang masamang karamdaman," sinasabi nila, "ang kumakapit ng mahigpit sa kaniya; ngayon na nakahiga na siya, hindi na siya makakabangon pa." 9 Sa katunayan, kahit ang sarili kong malapit na kaibigan na aking pinagkakatiwalaan, ang siyang kumain ng aking tinapay, ay inangat ang sakong niya laban sa akin. 10 Pero ikaw, Yahweh, ay naawa sa akin at ibinangon ako para pagbayarin ko sila. 11 Sa pamamagitan nito nalaman ko na nasisiyahan ka sa akin, dahil ang mga kaaway ko ay hindi nagtatagumpay laban sa akin. 12 Para sa akin, tinulungan mo ako sa aking katapatan at iingatan ako sa harap ng iyong mukha magpakailanman. 13 Nawa si Yahweh, ang Diyos ng Israel, ay purihin magpakailan pa man. Amen at Amen. Ikalawang Aklat

Chapter 42

1 Gaya ng usa na hinihingal at nananabik para sa tubig na umaagos, gayon ang pagkauhaw ko para sa iyo, O Diyos. 2 Nauuhaw ako para sa Diyos, para sa Diyos na buhay; kailan kaya ako makapupunta at makahaharap sa Diyos? 3 Ang mga luha ko ang naging pagkain ko araw at gabi, habang ang mga kaaway ko ay laging nagsasabi sa akin, "Nasaan ang Diyos mo?" 4 Inaalala ko ang mga bagay na ito habang binubuhos ko ang aking kaluluwa: kung paano ako pumunta kasama ang napakaraming tao at pangunahan sila patungo sa tahanan ng Diyos na may tinig ng kagalakan at pagpupuri, ang napakaraming tao na nagdiriwang ng kapistahan. 5 Bakit ka yumuyukod, aking kaluluwa, at bakit ka nababalisa sa aking kalooban? Umasa ka sa Diyos, dahil pupurihin ko siya sa tulong ng kaniyang presensiya. 6 Diyos ko, ang aking kaluluwa ay yumuyukod sa aking kalooban, kaya inaalala kita mula sa lupain ng Jordan, mula sa tatlong tuktok ng Bundok ng Hermon, at mula sa burol ng Mizar. 7 Tumatawag ang kalaliman sa kalaliman ng ingay ng iyong mga talon, lahat ng iyong mga alon at mga nagtataasang alon ay dumating sa akin. 8 Pero uutusan ni Yahweh ang kaniyang katapatan sa tipan sa umaga; sa gabi kasama ko ang kaniyang awit, ang panalangin sa Diyos ng buhay ko. 9 Sasabihin ko sa aking Diyos na aking malaking bato, "Bakit mo ako kinalimutan? Bakit ako nagluluksa dahil sa pang-aapi ng aking kaaway? 10 Gaya ng espada sa aking mga buto, kinukutya ako ng aking mga katunggali habang palagi nilang sinasabi sa akin, "Nasaan na ang Diyos mo?" 11 Bakit ka yumuyukod, aking kaluluwa? Bakit ka nababalisa sa aking kalooban? Umasa ka sa Diyos, dahil magpupuri pa ako sa kaniya, na saklolo ng aking mukha at aking Diyos.

Chapter 43

1 Hatulan mo ako, O Diyos, at ipagtanggol ang aking kapakanan laban sa makasalanang bansa; 2 Dahil ikaw ang Diyos ng aking kalakasan; bakit mo ako itinapon palayo? Bakit ako nagluluksa dahil sa pang-aapi ng kaaway? 3 O, ipadala mo ang iyong liwanag at katotohanan; hayaan mong pangunahan nila ako; hayaan mong dalhin ako sa banal mong burol at sa iyong tabernakulo. 4 Pagkatapos, pupunta ako sa altar ng Diyos, sa Diyos na aking lubos na kaligayahan; at sa aking alpa pupurihin kita, O Diyos, aking Diyos. 5 Bakit ka yumuyukod, aking kaluluwa? Bakit ka nababalisa sa aking kalooban? Umasa ka sa Diyos; dahil magpupuri pa ako sa kaniya, siya na aking saklolo at aking Diyos.

Chapter 44

1 Narinig ng aming mga tainga, O Diyos, ang sinabi ng aming mga ninuno sa amin tungkol sa ginawa mo sa kanilang mga araw, noong unang panahon. 2 Pinalayas mo ang mga bansa gamit ang iyong kamay, pero itinanim mo ang aming bayan; pinahirapan mo ang mga tao, pero ikinalat mo ang aming bayan sa buong lupain. 3 Dahil hindi nila nakuha ang lupain para maging ari-arian nila sa pamamagitan ng sarili nilang espada; ni ang kanilang sandata ang nagligtas sa kanila; kundi ang iyong kanang kamay, ang iyong bisig at ang ningning ng iyong mukha, dahil sinang-ayunan mo sila. 4 O Diyos, ikaw ang aking hari; pamahalaan mo ang tagumpay para kay Jacob. 5 Sa pamamagitan mo, ibabagsak namin ang aming mga kalaban; sa pamamagitan ng iyong pangalan, tatapakan namin silang mga tumitindig laban sa amin. 6 Dahil hindi ako nagtitiwala sa aking pana, ni sa aking espada na ililigtas ako. 7 Pero iniligtas mo kami mula sa aming mga kalaban at inilagay sa kahihiyan ang mga napopoot sa amin. 8 Ang Diyos ang aming ipinagmamalaki buong araw, at magpapasalamat kami sa iyong pangalan magpakailanman. Selah 9 Pero ngayon, kami ay iyong itinapon, at dinala kami sa kahihiyan, at hindi mo na sinasamahan ang aming mga hukbo. 10 Pinaatras mo kami mula sa aming kalaban; at ang mga napopoot sa amin ay kinamkam ang yaman para sa kanilang mga sarili. 11 Ginawa mo kaming tulad ng tupa na nakalaan para kainin at ikinalat kami sa mga bansa. 12 Ipinagbili mo ang iyong bayan para sa wala; hindi mo napalago ang iyong kayamanan sa paggawa nito. 13 Ginagawa mo kaming katawa-tawa sa aming mga kapwa, hinamak at kinutya kami ng mga taong nakapaligid sa amin. 14 Ginagawa mo kaming isang panlalait sa kalagitnaan ng mga bansa, isang pag-iiling sa kalagitnaan ng mga tao. 15 Buong araw nasa harapan ko ang aking kasiraan, at nabalot ng kahihiyan ang aking mukha 16 dahil sa tinig niyang nanlalait at nanghahamak, dahil sa kaaway at naghihiganti. 17 Lahat ng ito ay dumating sa amin, pero hindi ka namin kinalimutan o pinakitunguhan ng mali ang iyong tipan. 18 Hindi tumalikod ang aming mga puso; hindi lumayo ang aming mga hakbang mula sa iyong daan. 19 Pero lubha mo pa rin kaming pinahirapan sa lugar ng mga aso at binalot kami ng anino ng kamatayan. 20 Kung nakalimot kami sa pangalan ng aming Diyos o nag-unat ng aming mga kamay sa hindi kilalang diyos, 21 hindi kaya ito sisiyasatin ng Diyos? Dahil nalalaman niya ang mga lihim ng puso. 22 Sa katunayan, para sa iyong kapakanan, kami ay pinapatay buong araw; itinuring kaming mga tupa para katayin. 23 Gumising ka, bakit ka natutulog, Panginoon? 24 Tumindig ka, huwag mo kaming ilayo ng tuluyan. Bakit mo tinatago ang iyong mukha at kinakalimutan ang aming paghihirap at kaapihan? 25 Dahil natunaw kami sa alabok; ang aming mga katawan ay kumakapit sa lupa. 26 Bumangon ka para sa aming tulong at tubusin kami alang-alang sa iyong katapatan sa tipan.

Chapter 45

1 Nag-uumapaw ang aking puso sa mabuting paksa; babasahin ko nang malakas ang mga salita na aking isinulat tungkol sa hari; ang aking dila ang panulat ng isang manunulat na handa. 2 Ikaw ay mas makisig kaysa mga anak ng tao; biyaya ay binuhos sa iyong mga labi; kaya alam namin na pinagpala ka ng Diyos magpakailanman. 3 Ilagay mo ang iyong espada sa iyong hita, ikaw na makapangyarihan, sa iyong kaluwalhatian at kamaharlikahan. 4 Sa iyong kamaharlikahan matagumpay kang sumakay dahil sa pagiging mapagkakatiwalaan, kapakumbabaan at katuwiran; ituturo ng iyong kanang kamay ang mga katakot-takot na mga bagay. 5 Ang iyong mga palaso ay matalim; ang mga tao ay babagsak sa iyong ilalim; ang iyong mga palaso ay nasa puso ng mga kalaban ng hari. 6 Ang iyong trono, O Diyos, ay magpakailanpaman; ang setro ng katarungan ay setro ng iyong kaharian. 7 Minamahal mo ang matuwid at kinasusuklaman ang kasamaan; kaya O Diyos, ang iyong Diyos, ay hinirang ka sa pamamagitan ng langis ng kasayahan na higit sa iyong mga kasamahan. 8 Ang lahat ng iyong kasuotan ay amoy mira, mga sabila at kasia; mula sa mga palasyong gawa sa garing pinasasaya kayo ng mga instrumentong may kwerdas. 9 Ang mga anak na babae ng mga hari ay kabilang sa mga kagalang-galang na kababaihan; sa iyong kanang kamay nakatayo ang reyna na nadaramtan ng ginto ng Ophir. 10 Makinig ka, anak na babae, isaalang-alang mo at ikiling ang iyong pandinig; kalimutan mo ang iyong sariling bayan at ang tahanan ng iyong ama. 11 Sa ganitong paraan nanaisin ng hari ang iyong kagandahan; siya ang iyong panginoon; igalang mo siya. 12 Ang anak na babae ng Tiro ay pupunta na may dalang isang handog; ang mga mayayaman kasama ng mga tao ay magmamakaawa ng iyong tulong. 13 Ang maharlika na anak na babae sa palasyo ay lahat maluwalhati; ang kaniyang kasuotan ay ginto ang palamuti. 14 Dadalhin siya sa hari na may binurdahang damit, ang mga birhen, ang mga kasama niyang sumusunod sa kanya ay dadalhin sa iyo. 15 Pangungunahan sila ng kagalakan at pagsasaya; at sa palasyo ng hari papasok sila. 16 Sa lugar ng iyong mga ama naroon ang iyong mga anak, na siyang gagawin mong mga prinsipe sa buong mundo. 17 Gagawin ko ang lahat para ang iyong pangalan ay maalala ng lahat ng salinlahi; kaya ang mga tao ay bibigyan ka ng pasasalamat magpakailanpaman.

Chapter 46

1 Ang Diyos ang ating kublihan at kalakasan, ang handang tumulong kapag may kaguluhan. 2 Kaya nga, hindi kami matatakot, kahit na ang lupa ay mabago, kahit na ang mga kabundukan ay mayanig papunta sa puso ng karagatan, 3 kahit na ang mga tubig nito ay umugong at mangalit, at kahit ang mga kabundukan ay mayanig sa pagragasa ng tubig. Selah 4 Doon ay may isang ilog, na ang agos ay pinasasaya ang lungsod ng Diyos, ang banal na lugar ng mga tabernakulo ng Kataas-taasan. 5 Ang Diyos ay nasa gitna niya; siya ay hindi matitinag; tutulungan siya ng Diyos, at gagawin niya ito sa pagbubukang-liwayway. 6 Ang mga bansa ay napoot at ang mga kaharian ay nayanig; ang tinig niya ay kaniyang itinaas, at ang lupa ay naagnas. 7 Si Yahweh, ang Diyos ng mga hukbo ay kasama natin; ang Diyos ni Jacob na kublihan natin. Selah 8 Lumapit kayo, masdan ang mga ginawa ni Yahweh, ang pagkawasak na kaniyang idinulot sa mundo. 9 Pinahihinto niya ang mga digmaan sa dulo ng mundo; binali niya ang mga pana at ang mga sibat ay pinagpira-piraso; ang mga panangga ay kaniyang sinunog. 10 Tumahimik kayo at kilalanin ninyo na ako ay Diyos; itatanghal ako sa ginta ng mga bansa; itatanghal ako sa mundo. 11 Si Yahweh ng mga hukbo ay sasaatin; ang Diyos ni Jacob ang kublihan natin. Selah

Chapter 47

1 Kayong lahat na mga tao, ipalakpak ninyo ang inyong mga kamay; sumigaw kayo sa Diyos sa tunog ng tagumpay. 2 Dahil kasindak-sindak ang Kataas-taasang si Yahweh; sa buong mundo siya ang dakilang Hari. 3 Nilulupig niya ang mga tao sa ilalim natin at ang mga bansa sa ilalim ng ating mga paa. 4 Pinipili niya ang ating mamanahin para sa atin, ang kaluwalhatian ni Jacob na minahal niya. Selah 5 Sa pamamagitan ng isang sigaw ang Diyos ay naitaas, si Yahweh sa pamamagitan ng tunog ng isang trumpeta. 6 Umawit ng mga papuri sa Diyos, umawit ng mga papuri; umawit ng mga papuri sa ating Hari, umawit ng mga papuri. 7 Dahil ang Diyos ang Hari ng buong mundo; umawit ng papuri na may pang-unawa. 8 Ang Diyos ay naghahari sa lahat ng mga bansa; ang Diyos ay nakaupo sa kaniyang banal na trono. 9 Ang mga prinsipe ng mga tao ay nagtipon-tipon kasama ang bayan ng Diyos ni Abraham; dahil ang mga pananggalang ng mundo ay pag-aari ng Diyos; siya ay pinarangalan ng lubos.

Chapter 48

1 Dakila si Yahweh at lubos na dakila para purihin, sa lungsod ng ating Diyos sa kaniyang bundok na banal. 2 Ang pagiging matayog nito ay kay gandang pagmasdan, ang kagalakan ng buong mundo, ay ang Bundok ng Sion, sa mga dako ng hilaga, ang lungsod ng Haring dakila. 3 Nagpakilala ang Diyos sa kaniyang mga palasyo bilang isang kublihan. 4 Pero, tingnan niyo, ang mga hari ay pinulong ang kanilang mga sarili; sila ay dumaan nang magkakasama. 5 Nakita nila ito, pagkatapos sila ay namangha, sila ay nasiraan ng loob at nagmamadaling lumayo. 6 Pangangatog ang bumalot sa kanila doon, sakit gaya ng isang babaeng nanganganak. 7 Sa pamamagitan ng hangin ng silangan sinira mo ang mga barko ng Tarsis. 8 Gaya ng aming narinig, ay ganoon din ang aming nakita sa lungsod ni Yahweh ng mga hukbo, sa lungsod ng ating Diyos; itatatag ito ng Diyos magpakailanman. Selah 9 Naalala namin ang tungkol sa iyong katapatan sa tipan, O Diyos, sa gitna ng iyong templo. 10 Gaya ng iyong pangalan, O Diyos, gayundin ang papuri sa iyo hanggang sa mga dulo ng mundo; ang iyong kanang kamay ay puno ng katuwiran. 11 Hayaan mong ang Bundok ng Sion ay matuwa, hayaan mong ang mga anak na babae ng Juda ay magsaya dahil sa iyong makatuwirang mga kautusan. 12 Maglakad sa palibot ng Bundok Sion, umikot ka sa kaniya; bilangin mo ang kaniyang mga tore, 13 masdan mong mabuti ang kaniyang mga pader, at tingnan ang kaniyang mga palasyo nang sa gayon masabi mo ito sa susunod na salinlahi. 14 Dahil ang Diyos na ito ang ating Diyos magpakailanpaman; siya ang ating magiging gabay hanggang sa kamatayan.

Chapter 49

1 Pakinggan ninyo ito, lahat kayong mga mamamayan; ibaling ang inyong pandinig, lahat kayong mga naninirahan sa mundo, 2 kapwa mababa at mataas, mayaman at mahirap na magkakasama. 3 Magsasabi ang aking bibig ng karunungan at ang magiging pagbubulay-bulay ng aking puso ay pang-unawa. 4 Ikikiling ko ang aking pandinig sa isang parabola; sisimulan ko ang aking parabola gamit ang alpa. 5 Bakit kailangang matakot ako sa mga araw ng kasamaan, kapag napapaligiran ako ng kasamaan sa aking mga sakong? 6 Ang mga nagtitiwala sa kanilang yaman at ipinagmamalaki ang halaga ng kanilang yaman - 7 tiyak na walang makatutubos sa kaniyang kapatid o makapagbibigay sa Diyos ng panubos para sa kaniya, 8 Dahil mahal ang pagtubos ng buhay ng isang tao, at sa ating pagkakautang walang makakapagbayad. 9 Walang mabubuhay ng magpakailanman nang hindi mabubulok ang kanyang katawan. 10 Dahil makararanas siya ng pagkabulok. Ang mga marurunong ay namamatay; ang mga hangal at ang mga malupit ay parehong mamamatay at iiwanan nila ang kanilang kayamanan sa iba. 11 Ang nasa kaloob-looban ng kaisipan nila ay magpapatuloy ang kanilang mga pamilya magpakailanman, pati na ang mga lugar kung saan sila naninirahan, sa lahat ng mga salinlahi; tinawag nila ang kanilang mga lupain ayon sa kanilang mga pangalan. 12 Pero ang tao na may taglay na yaman ay hindi nananatiling buhay; tulad siya ng mga hayop na namamatay. 13 Ito, ang kanilang pamamaraan, ay kanilang kahangalan; pero pagkatapos nila, ang mga tao ay sumasang-ayon sa kanilang mga sinasabi. Selah 14 Itinatalaga sila tulad ng isang kawan na pupunta sa sheol; kamatayan ang kanilang magiging pastol; ang matuwid ay magkakaroon ng kapangyarihan sa kanila pagsapit ng umaga; lalamunin ng sheol ang kanilang mga katawan at wala silang lugar na matitirahan. 15 Pero tutubusin ng Diyos ang aking buhay mula sa kapangyarihan ng sheol; ako ay kaniyang tatanggapin. Selah 16 Huwag matakot kapag may isang taong yumayaman, kapag ang kapangyarihan ng kaniyang pamilya ay lumalawak, 17 dahil kapag siya ay namatay, wala siyang dadalhin kahit anong bagay; hindi niya kasamang bababa ang kanyang kapangyarihan. 18 Pinagpala niya ang kaniyang kaluluwa habang siya ay nabubuhay - at pinupuri ka ng mga tao kapag namumuhay ka para sa iyong sarili - 19 pupunta siya sa salinlahi ng kanyang mga ama at hindi nila kailanman makikitang muli ang liwanag. 20 Ang isang taong may yaman pero walang pang-unawa ay tulad ng mga hayop na namamatay.

Chapter 50

1 Ang Tanging Makapangyarihan, ang Diyos, si Yahweh, ay nagsalita at tinawag ang daigdig mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog nito. 2 Mula sa Sion, ang kaganapan ng kagandahan, ang Diyos ay nagningning. 3 Dumarating ang ating Diyos at hindi nananatiling tahimik; isang apoy ang lumalamon sa harapan niya, at bumabagyo nang napakalakas sa kanyang paligid. 4 Nananawagan siya sa kalangitan at sa lupa para mahatulan niya ang kaniyang bayan: 5 "Tipunin ang mga matatapat sa akin, ang mga nakipagtipan sa akin sa pamamagitan ng pag-aalay." 6 Ipahahayag ng kalangitan ang kaniyang katuwiran, dahil ang Diyos mismo ay hukom. Selah 7 "Makinig, aking bayan, at ako ay magsasalita; ako ang Diyos, ang inyong Diyos. 8 Hindi ko kayo susumbatan dahil sa inyong mga alay; ang sinunog ninyong mga handog ay laging nasa aking harapan. 9 Wala akong kukuning toro mula sa inyong bahay, o lalaking mga kambing mula sa inyong mga kawan. 10 Dahil ang bawat hayop sa kagubatan ay sa akin, at ang mga baka na nasa isang libong burol. 11 Kilala ko ang lahat ng mga ibon sa mga bundok, at ang mga mababangis na hayop sa bukid ay sa akin. 12 Kung ako ay nagugutom, hindi ko sa inyo sasabihin; dahil ang mundo ay sa akin, at ang lahat ng mga bagay dito, ay sa akin din. 13 Kakainin ko ba ang laman ng mga toro o iinumin ang dugo ng mga kambing? 14 Maghandog kayo sa Diyos ng alay ng pasasalamat, at tuparin ninyo ang inyong mga banal na panata sa Kataas-taasan. 15 Tumawag kayo sa akin sa araw ng kaguluhan; sasagipin ko kayo, at ako ay inyong luluwalhatiin." 16 Pero sa mga makasalanan sinasabi ng Diyos, "Ano ang kinalaman mo sa pagpapahayag ng aking mga kautusan, at sinasambit mo ang aking tipan, 17 gayong ang aking tagubilin ay inyong kinamumuhian at ang aking mga salita ay inyong itinatapon? 18 Kapag nakakakita kayo ng isang magnanakaw, sumasang-ayon kayo sa kanya; nakikisali kayo sa mga nangangalunya. 19 Nagsasabi kayo ng kasamaan, at naghahayag ang inyong dila ng kasinungalingan. 20 Umuupo kayo at nagsasalita laban sa inyong kapatid; ang anak ng sarili ninyong ina ay inyong sinisiraang puri. 21 Ginawa ninyo ang mga bagay na ito, pero nanatili akong tahimik, kaya inisip ninyo na isa lamang akong katulad ninyo. Pero susumbatan ko kayo at ipapakita ko ang lahat ng mga bagay na inyong ginawa. 22 Ngayon isaalang-alang niyo ito, kayong nakakalimot sa Diyos; dahil kung hindi ay dudurugin ko kayo at walang sinumang darating para tulungan kayo: 23 Sinumang naghahandog ng alay ng pasasalamat ay nagpupuri sa akin, at sa sinumang nagpaplano ng kaniyang landas sa tamang paraan, ipakikita ko sa kaniya ang pagliligtas ng Diyos."

Chapter 51

1 Kaawaan mo ako, Diyos, dahil sa iyong katapatan sa tipan; alang-alang sa iyong mga maawaing gawa, burahin mo ang aking mga kasalanan. 2 Mula sa aking mabigat na pagkakasala ako ay hugasan mo nang lubusan at linisin ako mula sa aking kasalanan. 3 Dahil alam ko ang aking mga paglabag, at laging naaalala ang aking kasalanan. 4 Laban sa iyo, sa iyo lamang ako nagkasala at sa iyong paningin ginawa kung ano ang napakasama; matuwid ka kapag nagsasalita; tama ka kapag humahatol. 5 Masdan mo, ako ay isinilang sa malaking kasalanan; nang ipinagdadalang-tao ako ng aking ina, ako ay naroon na sa kasalanan. 6 Masdan mo, sa aking puso ang ninanais mo ay ang pagiging-mapagkakatiwalaan; sa aking puso ipaaalam mo ang karunungan. 7 Dalisayin mo ako ng isopo, at ako ay magiging malinis; hugasan mo ako at magiging mas maputi ako kaysa niyebe. 8 Iparinig mo sa akin ang kasiyahan at kagalakan para magsaya ang mga buto na iyong binali. 9 Itago mo ang iyong mukha sa aking mga kasalanan at pawiin ang lahat ng mga nagawa kong kasamaan. 10 Likhain mo sa akin ang isang malinis na puso, Diyos, at ipanumbalik sa akin ang isang matuwid na espiritu. 11 Sa iyong presensiya huwag mo akong paalisin, at huwag alisin ang iyong Banal na Espiritu mula sa akin. 12 Ibalik mo sa akin ang kagalakan ng iyong pagliligtas, at pagkalooban mo ako ng espiritung handang sumunod. 13 Pagkatapos ituturo ko sa mga lumalabag sa iyong mga utos ang iyong mga pamamaraan, at magbabalik-loob sa iyo ang mga makasalanan. 14 Patawarin mo ako dahil sa pagdadanak ng dugo, Diyos ng aking kaligtasan, at sisigaw ako nang buong kagalakan sa iyong katuwiran. 15 Panginoon, buksan mo ang aking mga labi, at ipahahayag ng aking bibig ang iyong kapurihan. 16 Pero hindi ka nagagalak sa alay, kundi ito ay aking ibibigay; sa mga sinunog na handog hindi ka nasisiyahan. 17 Ang mga alay na karapat-dapat sa Diyos ay isang basag na kalooban. Hindi mo hahamakin, O Diyos, ang isang basag at nagsisising puso. 18 Gawan mo ng mabuti ang Sion ayon sa iyong kasiyahan; itayo mong muli ang mga pader ng Jerusalem. 19 Kung magkagayon ay malulugod ka sa mga alay ng katuwiran, sa sinunog na mga handog at lubusang sinunog na mga handog; pagkatapos, ang aming bayan ay maghahandog ng mga toro sa iyong altar.

Chapter 52

1 Bakit mo ipinagyayabang ang iyong panggugulo, ikaw malakas na lalaki? Ang katapatan ng Diyos sa tipan ay dumarating araw-araw. 2 Nagbabalak ang iyong dila tulad ng matalim na labaha na mapandayang gumagawa. 3 Minamahal mo ang kasamaan kaysa sa kabutihan at kasinungalingan kaysa sa pagsasabi ng katuwiran. Selah 4 Mahal mo ang lahat ng mga salitang sumisira sa iba, ikaw na mandarayang dila. 5 Kaya wawasakin ka rin ng Diyos magpakailanman; siya ang mag-aalis sa iyo at hahatakin kang palabas sa iyong tolda at bubunutin ka mula sa lupain ng mga nabubuhay. Selah 6 Ang matuwid ay makikita rin ito at matatakot; tatawanan siya nila at sasabihing, 7 "Tingnan mo, ito ang taong hindi ang Diyos ang ginawang kalakasan pero nagtiwala sa kasaganahan ng kaniyang kayamanan at pinatunayan ang kaniyang sarili sa kasamaang kaniyang ginagawa." 8 Pero para sa akin, katulad ko ang isang berdeng punong olibo sa tahanan ng Diyos; ako ay magtitiwala sa katapatan ng Diyos sa tipan magpakailanpaman. 9 Ako ay magbibigay pasasalamat, O Diyos, magpakailanman dahil sa mga bagay na iyong ginawa. Umaasa ako sa iyong pangalan, dahil ito ay mabuti sa harapan ng mga matatapat.

Chapter 53

1 Sinasabi ng mangmang sa kaniyang puso, ''Walang Diyos.'' Masama sila at gumawa ng kasuklam-suklam na pagkakasala; walang sinuman ang gumagawa ng mabuti. 2 Mula sa langit nakatanaw ang Diyos sa mga anak ng tao para tingnan kung may nakauunawa na naghahanap sa kaniya. 3 Ang bawat isa sa kanila ay tumalikod; ang lahat ay naging marumi; wala ni isang gumagawa ng mabuti, wala, wala kahit isa. 4 Wala ba silang nalalaman, silang gumagawa ng pagkakasala, silang mga kumakain ng aking bayan gaya ng pagkain ng tinapay pero hindi tumatawag sa Diyos? 5 Sila ay nasa kalagitnaan ng matinding pagkatakot, kahit na walang dahilan para matakot; dahil ikakalat ng Diyos ang mga buto ng sinumang nagsasama-sama laban sa inyo; ang ganiyang mga tao ay ilalagay sa kahihiyan dahil sila ay tinanggihan ng Diyos. 6 O, ang kaligtasan ng Israel ay darating mula sa Sion! Kapag ibinalik na ng Diyos ang kaniyang bayan mula sa pagkakabihag, magdiriwang si Jacob at ang Israel ay magagalak!

Chapter 54

1 Iligtas mo ako, O Diyos, sa pamamagitan ng iyong pangalan, at sa iyong kalakasan, hatulan mo ako. 2 Pakinggan mo ang aking panalangin, O Diyos; pakinggan mo ang mga salita ng aking bibig. 3 Dahil ang mga dayuhan ay naghimagsik laban sa akin, at ang mga walang awang mga lalaki ay pinagtangkaan ang aking buhay; hindi nila itinakda ang Diyos sa kanilang harapan. Selah 4 Masdan mo, ang Diyos ang tumutulong sa akin; ang Panginoon ang siyang nagtataas sa akin. 5 Ibabalik niya sa aking mga kaaway ang kasamaan; sa iyong katapatan, wasakin mo sila! 6 Mag-aalay ako ng kusang-loob na handog; ako ay magbibigay pasasalamat sa iyong pangalan, Yahweh, dahil ito ay mabuti. 7 Dahil siya ang sumagip sa akin mula sa bawat kaguluhan; ang aking mata ay nakatingin ng matagumpay laban sa aking mga kaaway.

Chapter 55

1 Pakinggan mo aking panalangin, O Diyos; at huwag mong itago ang iyong sarili sa aking pagsamo. 2 Pakinggan mo ako at ako ay iyong sagutin; wala akong kapahingahan sa aking mga kaguluhan. 3 dahil sa tinig ng aking mga kaaway, dahil sa pang-aapi ng masasama; dahil nagdala sila ng kaguluhan sa akin at galit akong inuusig. 4 Lubhang nasaktan ang aking puso, at binagsakan ako ng malaking takot sa kamatayan. 5 Dumating sa akin ang pagkatakot at panginginig, at kilabot ang nanaig sakin. 6 Aking sinabi, "O, kung mayroon lamang akong mga pakpak tulad ng kalapati! Kung magkagayon lilipad akong palayo at magpapahinga. 7 Tingnan, ako ay gagala sa malayo; doon ako mananahan sa ilang. Selah 8 Magmamadali ako para sumilong mula sa malakas na hangin at unos''. 9 Wasakin mo sila, Panginoon, at guluhin ang kanilang mga wika, dahil nakita ko ang karahasan at kaguluhan sa lungsod. 10 Lumiligid sila araw at gabi sa ibabaw ng kanyang pader, kasalanan at kalokohan ay nasa kalagitnaan niya. 11 Kasamaan ang nasa gitna nito; ang pang-aapi at pandaraya sa mga lansangan nito ay hindi umaalis. 12 Dahil hindi isang kaaway ang sumasaway sa akin. kaya maaari ko itong tiisin; ni hindi siya ang napopoot sa akin na itinaas ang kaniyang sarili laban sa akin, dahil kung hindi itinago ko sana ang aking sarili sa kanya. 13 Pero ikaw iyon, isang lalaking kapantay ko, aking kasama at aking malapit na kaibigan. 14 Mayroon tayong matamis na pagsasamahan; naglakad tayo kasama ang maraming tao sa tahanan ng Diyos. 15 Hayaang mong biglang dumating ang kamatayan sa kanila; hayaang mo silang bumaba ng buhay sa Sheol, dahil sa kalagitnaan nila, sa kasamaan sila namumuhay. 16 Para sa akin, tatawag ako sa Diyos, at ililigtas ako ni Yahweh. 17 Magsusumbong ako at dadaing sa gabi, sa umaga at sa tanghaling tapat; maririnig niya ang aking tinig. 18 Ligtas niyang sasagipin ang aking buhay mula sa digmaang laban sa akin, dahil marami silang mga lumaban sa akin. 19 Ang Diyos, ang nananatili mula noon pang unang panahon, ay makikinig at tumutugon sa kanila. Selah Ang mga taong iyon ay hindi nagbago; sila ay hindi natatakot sa Diyos. 20 Itinataas ng aking kaibigan ang kaniyang mga kamay laban sa kaniyang mga kasundo; hindi na niya iginalang ang tipan na mayroon siya. 21 Ang kaniyang bibig ay kasindulas ng mantikilya, pero ang kaniyang puso ay naghamon; mas malambot pa kaysa sa langis ang kaniyang mga salita, pero ang totoo sila ay mga binunot na espada. 22 Ilagay mo ang iyong pasanin kay Yahweh, at ikaw ay kaniyang aalalayan; hindi niya papayagang sumuray- suray sa paglalakad ang taong matuwid. 23 Pero ikaw, O Diyos, ay dadalhin sa hukay ng pagkawasak ang masama; ang mga uhaw sa dugo at mandaraya ay hindi mabubuhay kahit kalahati ng buhay ng iba, pero ako ay sa iyo magtitiwala.

Chapter 56

1 Maawa ka sa akin, o Diyos, dahil may naghahangad na lamunin ako; buong araw ay nilalabanan niya ako at inaapi. 2 Hinahangad ng aking mga kaaway na lamunin ako buong araw; dahil marami ang mayabang na kumakalaban sa akin. 3 Kapag ako ay natatakot, magtitiwala ako sa iyo. 4 Sa Diyos, na ang salita ay aking pinupuri - sa Diyos ako nagtitiwala; hindi ako matatakot; ano ang magagawa sa akin ng mga pawang tao lamang? 5 Buong araw, binabaluktot nila ang aking mga salita; lahat ng kanilang iniisip ay laban sa akin para sa kasamaan. 6 Nagtitipon-tipon sila, tinatago nila ang kanilang mga sarili, at tinatandaan ang aking mga hakbang, katulad ng kanilang paghihintay sa aking buhay. 7 Huwag mo silang hayaang makatakas na gumagawa ng kasamaan. Pabagsakin mo ang mga tao sa iyong galit, O Diyos. 8 Binibilang mo ang aking mga paglalakbay at inilalagay mo ang aking mga luha sa iyong bote; wala ba ang mga ito sa iyong aklat? 9 Pagkatapos tatalikod ang aking mga kaaway sa araw ng aking pagtawag sa iyo; ito ang aking nalalaman, na ang Diyos ay para sa akin. 10 Sa Diyos, na ang salita ay pinupuri ko - kay Yahweh, na ang salita ay pinupuri ko - 11 sa Diyos ako nagtitiwala; hindi ako matatakot; ano ang magagawa sa akin ng pawang tao lamang? 12 Ang tungkulin na tuparin ang lahat ng panata ko sa iyo ay nasa akin, O Diyos; magbibigay ako ng mga handog ng pasasalamat sa iyo. 13 Dahil sinagip mo ang aking buhay mula sa kamatayan; pinigilan mo ang aking mga paa na mahulog, para ako ay makalakad sa harapan ng Diyos sa liwanag ng mga nabubuhay.

Chapter 57

1 Maging maawain ka sa akin, o Diyos, maging maawain ka, dahil kumukubli ako sa iyo hanggang matapos ang mga kaguluhan na ito. Nananatili ako sa ilalim ng iyong mga pakpak para sa pag-iingat hanggang matapos na ang pagwasak na ito. 2 Mananawagan ako sa Kataas-taasang Diyos, sa Diyos, na ginagawa ang lahat ng bagay para sa akin. 3 Magpapadala siya ng tulong mula sa langit at ililigtas ako, kapag ang taong gusto akong lamunin ay nagagalit sa akin; Selah ipadadala ng Diyos sa akin ang kaniyang katapatan sa tipan at kaniyang pagiging mapagkakatiwalaan. 4 Ang aking buhay ay nasa kalagitnaan ng mga leon; ako ay nasa kalagitnaan ng mga handang lumapa sa akin. Ako ay nasa kalagitnaan ng mga tao na ang mga ngipin ay mga sibat at palaso, at ang mga dila ay matalim na mga espada. 5 Maitanghal ka, O Diyos, sa taas ng kalangitan; nawa ang iyong kaluwalhatian ay maitaas pa sa buong mundo. 6 Naglalatag sila ng isang lambat sa aking mga paa; ako ay nabagabag. Nagbungkal sila ng hukay sa harap ko. Sila mismo ang nahulog sa gitna nito! Selah 7 Ang aking puso ay naninindigan, O Diyos, ang aking puso ay naninindigan; aawit ako, oo, aawit ako ng mga papuri. 8 Gumising ka, marangal kong puso; gumising kayo, plauta at alpa; gigisingin ko ang bukang-liwayway. 9 Magpapasalamat ako sa iyo, Panginoon, sa gitna ng mga tao; aawit ako sa iyo ng mga papuri sa gitna ng mga bansa. 10 Dahil ang iyong katapatan sa tipan ay dakila sa kalangitan at ang iyong pagiging mapagkakatiwalaan ay umaabot sa himpapawid. 11 Maitanghal ka, O Diyos, sa taas ng kalangitan; nawa ang iyong kaluwalhatian ay maitaas pa sa buong mundo.

Chapter 58

1 Nagsasabi ba kayong mga tagapamahala ng katuwiran? Tuwid ba kayong humatol, kayong mga tao? 2 Hindi, gumagawa kayo ng kasamaan sa inyong puso; naghahasik kayo ng karahasan sa buong kalupaan gamit ang inyong mga kamay. 3 Ihinihiwalay ang mga masasama mula sa sinapupunan; naliligaw na sila simula nang kapanganakan pa lamang, na nagsasabi ng mga kasinungalingan. 4 Ang kanilang kamandag ay katulad ng kamandag ng ahas; katulad sila ng binging ulupong na tinatakpan ang kanilang mga tainga, 5 na hindi pinapansin ang tinig ng mga nang-aamo, kahit gaano pa sila kagaling. 6 Sirain mo ang mga ngipin ng kanilang mga bibig, O Diyos; sirain mo ang mga malalaking ngipin ng mga batang leon, Yahweh. 7 Hayaan mong matunaw sila katulad ng tubig na dumadaloy; kapag pinapana nila ang kanilang mga palaso, hayaan mong ang mga ito ay parang walang mga tulis. 8 Hayaan mo silang maging parang kuhol na natutunaw at namamatay, katulad ng sanggol na kulang sa buwan na ipinanganak ng isang babae, na hindi kailanman makikita ang sikat ng araw. 9 Bago pa maramdaman ng iyong mga paso ang nakakapasong init ng mga tinik, aalisin niya ang mga iyon sa pamamagitan ng buhawi, ang parehong luntian at nakakapasong mga tinik. 10 Ang matuwid ay magagalak kapag nakita niya ang paghihiganti ng Diyos; huhugasan niya ang kaniyang mga paa sa dugo ng mga masasama, 11 para ang mga tao ay makapagsabing, "Tunay nga, may gantimpala para sa taong matuwid; tunay ngang mayroong Diyos na humahatol sa mundo."

Chapter 59

1 Sagipin mo ako mula sa aking mga kaaway, aking Diyos; itaas mo ako na malayo mula sa mga kumakalaban sa akin. 2 Panatilihin mo akong ligtas mula sa mga gumagawa ng malaking kasalanan, at iligtas mo ako mula sa mga taong uhaw sa dugo. 3 Dahil, tingnan mo, nag-aabang sila para kunin ang buhay ko. Ang mga makapangyarihang gumagawa ng kasamaan ay nagsasama-sama laban sa akin, pero hindi dahil sa aking pagsuway o kasalanan, Yahweh. 4 Naghahanda silang tumakbo tungo sa akin kahit na wala akong kasalanan; gumising ka at tulungan mo ako at tingnan. 5 Ikaw, Yahweh ang Diyos ng mga hukbo, ang Diyos ng Israel, bumangon ka at parusahan mo ang lahat ng mga bansa; huwag kang maging maawain sa sinumang gumagawa ng masasama. Selah 6 Bumabalik sila sa gabi, umalulong sila na parang mga aso at lumilibot sa lungsod. 7 Tingnan mo, dumidighay sila sa kanilang mga bibig; mga espada ay nasa kanilang mga labi, dahil sinasabi nila, "Sino ang nakaririnig sa atin?" 8 Pero ikaw, Yahweh, ay tinatawanan sila; kinukutya mo ang mga bansa. 9 O Diyos, aking kalakasan, magbibigay pansin ako sa iyo; ikaw ang aking matayog na tore. 10 Katatagpuin ako ng Diyos sa kaniyang katapatan sa tipan; hahayaan ng Diyos na makita ko ang aking nais sa aking mga kaaway. 11 Huwag mo silang papatayin, o makakalimutan ito ng aking bayan. Ikalat mo sila gamit ang iyong kapangyarihan at ilaglag sila, Panginoon na aming kalasag. 12 Dahil sa mga kasalanan ng kanilang mga bibig at sa mga salita ng kanilang mga labi, hayaan mo silang madakip ng kanilang kayabangan, at para sa mga sumpa at kasinungalingan na ipinapahayag nila. 13 Tupukin mo sila sa poot, tupukin mo sila para sila ay mawala na; hayaan mo silang malaman na namumuno ang Diyos kay Jacob at sa dulo ng mundo. Selah 14 Sa gabi hayaan mo silang bumalik, hayaan mo silang umalulong na parang mga aso at lumibot sa lungsod. 15 Maglalakbay sila pataas at pababa para sa pagkain at maghihintay buong gabi kung hindi sila masiyahan. 16 Pero aawit ako tungkol sa iyong kalakasan; dahil ikaw ang naging matayog kong tore at isang kublihan sa araw ng aking kapighatian. 17 Sa iyo, aking kalakasan, aawit ako ng mga papuri; dahil ang aking Diyos ang aking matayog na tore, ang Diyos ng katapatan sa tipan.

Chapter 60

1 O Diyos, itinakwil mo kami; nilupig mo kami; ikaw ay nagalit; ibalik mo aming muli sa aming kalagayan. 2 Pinayayanig mo ang lupain; pinaghiwa-hiwalay mo ito; pagalingin mo ang pagkakasira nito, dahil ito ay nayayanig. 3 Ipinakita mo sa iyong bayan ang mga matitinding bagay; pinainom mo sa amin ang alak na nagpapasuray. 4 Nagbigay ka ng isang bandera sa mga nagpaparangal sa iyo para maipakita ito dahil sa katotohanan. Selah 5 Para silang mga minamahal mo ay masagip, sagipin mo kami ng iyong kanang kamay at sagutin ako. 6 Ang Diyos ay nagsalita sa kaniyang kabanalan, "Ako ay nagagalak; hahatiin ko ang Shekem at ipamamahagi ang lambak ng Sucot. 7 Sa akin ang Galaad, at sa akin ang Manases; sanggalang ko sa ulo ang Efraim; setro ko ang Juda. 8 Ang Moab ay aking hilamusan; sa ibabaw ng Edom ihahagis ko ang aking sapatos; sisigaw ako sa tagumpay dahil sa Filistia. 9 Sino ang magdadala sa akin sa malakas na lungsod? Sino ang maghahatid sa akin sa Edom?" 10 Pero ikaw, O Diyos, hindi mo ba kami itinakwil? Hindi mo sinamahan sa laban ang aming hukbo. 11 Tulungan mo kami laban sa kaaway, dahil ang tulong ng tao ay walang silbi. 12 Magtatagumpay kami sa pamamagitan ng tulong ng Diyos; yuyurakan niya ang aming mga kaaway.

Chapter 61

1 O Diyos pakinggan mo ako; pansinin mo ang aking panalangin. 2 Tumatawag ako mula sa dulo ng daigdig kapag nagapi ang aking puso; dalhin mo ako sa bato na mataas kaysa sa akin. 3 Dahil naging kanlungan ka sa akin, isang matatag na muog mula sa kaaway. 4 Magpakailanman akong mananahan sa iyong tolda; magtatago ako sa ilalim ng iyong mga pakpak. Selah 5 Dahil narinig mo, O Diyos, ang aking mga panata; binigyan mo ako ng mana para sa mga nagpaparangal sa iyong pangalan. 6 Pahahabain mo ang buhay ng hari; ang kaniyang mga taon ay magiging katulad ng maraming salinlahi. 7 Mananatili siyang nasa harapan ng Diyos magpakailanman; 8 Magpupuri ako sa iyong pangalan magpakailanman para araw-araw kong magawa ang aking mga panata.

Chapter 62

1 Sa Diyos lamang ako naghihintay nang tahimik; magmumula sa kaniya ang aking kaligtasan. 2 Siya lamang ang aking muog at aking kaligtasan; siya ang aking mataas na tore; ako ay hindi matitinag. 3 Hanggang kailan kayong lahat sasalakay sa isang tao, para pabagsakin siya tulad ng isang pader o isang maugang bakuran? 4 Sumasangguni sila sa kaniya para ibagsak siya mula sa kaniyang marangal na posisyon; mahilig silang magsabi ng mga kasinungalingan; siya ay pinagpapala nila sa kanilang mga bibig, pero sa kanilang mga puso siya ay kanilang isinusumpa. Selah 5 Naghihintay ako nang tahimik para lamang sa Diyos; dahil nakatuon ang aking pag-asa sa kaniya. 6 Siya lamang ang aking muog at kaligtasan; siya ang aking mataas na tore; ako ay hindi matitinag. 7 Sa Diyos ang aking kaligtasan at kaluwalhatian; nasa Diyos ang saligan ng aking kalakasan at kanlungan. 8 Magtiwala kayo sa kaniya sa lahat ng oras, kayong mga tao; ibuhos ninyo ang inyong puso sa kaniyang harapan; kanlungan natin ang Diyos. Selah 9 Tunay na walang kabuluhan ang mga lalaking mahina ang katayuan, at kasinungalingan ang mga lalaking mataas ang katayuan; magaan silang tinimbang sa sukatan; pareho silang tinimbang, sila ay magaan kaysa sa wala. 10 Huwag kang magtitiwala sa pang-aapi o pagnanakaw; at huwag umasa sa walang kabuluhan na mga kayamanan, dahil wala itong maibubunga; huwag mong itutuon ang iyong puso sa mga ito. 11 Minsang nagsalita ang Diyos, dalawang beses kong narinig ang mga ito: sa Diyos nauukol ang kapangyarihan. 12 Gayundin sa inyo, Panginoon, nauukol ang katapatan sa tipan, dahil binabayaran mo ang bawat tao kung ano ang kaniyang ginawa.

Chapter 63

1 O Diyos, ikaw ang aking Diyos! Masigasig kitang hinahanap, nauuhaw ang aking kaluluwa sa iyo, at nananabik ang aking laman sa iyo, sa tuyot at tigang na lupa na walang tubig. 2 Kaya tumingin ako sa iyo sa mga banal na mga tao para makita ko ang iyong kapangyarihan at kaluwalhatian. 3 Dahil higit pa sa buhay ang iyong katapatan sa tipan, magpupuri ang aking mga labi sa iyo. 4 Kaya pagpapalain kita habang ako ay nabubuhay; itataas ko ang aking mga kamay sa iyong pangalan. 5 Parang tulad ito ng pagkain ng utak sa buto at mga taba; sa aking mga labing nagagalak pupurihin ka ng aking bibig. 6 Kapag naiisip ko ang tungkol sa iyo sa aking higaan at pinagninilay-nilayan kita sa mga oras ng gabi. 7 Dahil ikaw ang aking tulong, at magagalak ako sa anino ng iyong mga pakpak. 8 Kumakapit ako sa iyo; inaalalayan mo ako ng iyong kanang kamay. 9 Pero mapupunta sa kailaliman ng bahagi ng mundo sila na naghahanap para wasakin ang buhay ko. 10 Ibibigay sila sa ilalim ng kapangyarihan ng espada, at magiging pagkain sila para sa mga asong ligaw. 11 Pero magagalak ang hari sa Diyos; ang lahat ng nanunumpa sa kaniya ay ipagmamalaki siya, pero ang bibig ng mga nagsasalita ng kasinungalingan ay mahihinto.

Chapter 64

1 Dinggin mo ang aking tinig, O Diyos, pakinggan mo ang aking daing; ingatan mo ang aking buhay mula sa takot mula sa aking mga kaaway. 2 Itago mo ako mula sa lihim na pakana ng mga mapaggawa ng masama, mula sa kaguluhan ng mga gumagawa ng masama. 3 Hinasa nila ang kanilang mga dila gaya ng mga espada; itinutok nila ang kanilang mga palaso, mapapait na mga salita, 4 para panain nila mula sa lihim na mga lugar ang mga taong walang kasalanan; agad nilang papanain siya at walang kinatatakutan. 5 Pinalalakas nila ang kanilang loob sa masamang plano; palihim silang nagpulong para maglagay ng mga patibong; sinasabi nila, "Sino ang makakikita sa atin?" 6 Lumikha sila ng mga planong makasalanan; "Natapos namin," sinasabi nila, "ang isang maingat na plano." Malalim ang saloobin at puso ng tao. 7 Pero papanain sila ng Diyos; kaagad silang masusugatan ng kaniyang mga palaso. 8 Madarapa sila, dahil laban sa kanila ang kanilang mga dila; iiling sa kanilang mga ulo ang lahat ng makakakita sa kanila. 9 Matatakot ang lahat ng mga tao at ihahayag ang mga gawa ng Diyos. Pag-iisipan nilang mabuti ang tungkol sa kaniyang mga ginawa. 10 Magagalak kay Yahweh ang matuwid at kukubli sila sa kaniya; magmamalaki ang lahat ng matapat sa puso.

Chapter 65

1 Dahil sa iyo, Diyos sa Sion, matutupad ang aming mga panata sa iyo; dadalhin namin ang aming mga panata sa iyo. 2 Ikaw na dumidinig ng panalangin, sa iyo pupunta ang lahat ng laman. 3 Nananaig ang kasamaan sa amin; para sa aming mga kasalanan, patatawarin mo sila. 4 Mapalad ang taong pinipili mo para mapalapit sa iyo para manahan siya sa iyong bakuran. Masisiyahan kami sa kabutihan ng iyong tahanan, ang iyong banal na templo. 5 Sasagutin mo kami sa iyong katuwiran sa pamamagitan ng paggawa ng mga kamangha-manghang mga bagay, Diyos ng aming kaligtasan; ikaw na siyang pinagtitiwalaan ng lahat sa dulo ng daigdig at sa malalayong ibayo ng dagat. 6 Dahil ikaw ang siyang nagpatatag ng mga kabundukan, ikaw na binabalot ng kalakasan. 7 Ikaw ang nagpapatahimik sa umaatungal na mga dagat, umaatungal na mga alon, at kaguluhan ng mga tao. 8 Sila na nabubuhay sa dulong bahagi ng mundo ay matatakot sa katibayan ng iyong mga gawa; pinapasaya mo ang silangan at kanluran. 9 Pumunta ka para tulungan ang mundo; dinidiligan mo ito; pinagyayaman ng lubos; ang ilog ng Diyos ay puno ng tubig; pinagkalooban mo ng mga butil ang sangkatauhan nang inihanda mo ang daigdig. 10 Tinutubigan mo ang mga bukirin nang masagana; inaayos mo ang mga taniman; ginagawa mong malambot ang mga ito sa mga patak ng ulan; pinagpapala mo ang mga tumutubo sa pagitan nito. 11 Kinokoronahan mo ang taon ng iyong kabutihan; naghuhulog ng pataba sa lupa ang mga bakas ng iyong karwahe. 12 Nahuhulog ang mga ito sa pastulan sa mga ilang, at ang mga kaburulan ay sinuotan ng sinturon ng kagalakan. 13 Ang mga pastulan ay dinamitan ng mga kawan; ang mga lambak ay nababalutan ng butil; sumisigaw sila ng kagalakan, at sila ay umaawit.

Chapter 66

1 Mag-ingay sa galak para sa Diyos, lahat ng nilalang; 2 Awitin ang kaluwalhatian ng kaniyang pangalan; gawing maluwalhati ang kaniyang kapurihan. 3 Sabihin mo sa Diyos, "Nakakikilabot ang iyong mga gawa! Sa pamamagitan ng kadakilaan ng iyong kapangyarihan, magpapasakop sa iyo ang iyong mga kaaway. 4 Sasamba at aawit sa iyo ang lahat ng nasa lupa; aawit sila sa iyong pangalan." Selah 5 Halika at tingnan ang mga gawa ng Diyos; kinatatakutan siya sa kaniyang mga ginagawa sa mga anak ng mga tao. 6 Ginawa niyang tuyong lupa ang dagat; tumawid sila sa ilog nang naglalakad; nagalak kami sa kaniya roon. 7 Namumuno siya magpakailanman sa pamamagitan ng kaniyang kapangyarihan; pinagmamasdan ng kaniyang mga mata ang mga bansa; huwag hayaang itaas ng mga suwail ang kanilang mga sarili. Selah 8 Purihin ang Diyos, kayong mga tao, hayaang marinig ang tinig ng kaniyang kapurihan. 9 Iniingatan niya tayo sa mga nabubuhay, at hindi pinapahintulutang madulas ang ating mga paa. 10 Dahil ikaw, O Diyos, ang sumubok sa amin; sinubok mo kami gaya ng pilak. 11 Dinala mo kami sa isang lambat; nilagyan mo kami ng matinding pabigat sa aming mga balakang. 12 Pinasakay mo ang mga tao sa aming mga ulo; dumaan kami sa apoy at tubig; pero inilabas mo kami sa malawak na lugar. 13 Pupunta ako sa iyong tahanan na may mga sinunog na handog; tutuparin ko ang aking mga panata 14 na ipinangako ng aking labi at sinabi ng aking bibig nang ako ay nasa kahirapan. 15 Magsusunog ako ng taba ng mga hayop bilang handog na may mabangong samyo ng mga tupa; mag-aalay ako ng mga toro at kambing. Selah. 16 Halika at makinig, lahat kayo na may takot sa Diyos, at ipahahayag ko kung ano ang ginawa niya para sa aking kaluluwa. 17 Nananawagan ako sa kaniya gamit ang aking bibig, at pinuri siya ng aking dila. 18 Kung alam kong may kasalanan sa aking puso, hindi makikinig ang Diyos sa akin. 19 Pero tunay ngang nakinig ang Diyos; binigyan niya ng pansin ang tinig ng aking panalangin. 20 Purihin ang Diyos, na hindi itinakwil ang aking panalangin o kaniyang katapatan sa tipan mula sa akin.

Chapter 67

1 Maging maawain nawa ang Diyos sa atin at pagpalain tayo at pahintulutan na magningning ang kaniyang mukha sa atin 2 nang sa gayon ang iyong mga pamamaraan ay maihayag sa lupa, ang iyong kaligtasan sa lahat ng mga bansa. 3 Hayaan mong purihin ka ng mga tao, O Diyos; hayaan mong purihin ka ng lahat. 4 O, hayaan mong matuwa at umawit sa galak ang mga bansa para sa iyo, dahil hahatulan mo ang mga tao nang may katarungan at pamumunuan mo ang mga bansa sa lupa. Selah 5 Hayaan mong purihin ka ng mga tao, O Diyos; hayaang mong purihin ka ng lahat. 6 Pinalago ng lupa ang ani nito at ang Diyos, ang ating Diyos, ang nagpala sa atin. 7 Pinagpala tayo ng Diyos, at pinararangalan siya sa lahat ng sulok ng mundo.

Chapter 68

1 Hayaang tumayo ang Diyos; hayaang kumalat ang kaniyang mga kaaway; hayaan ding magtakbuhan palayo ang mga napopoot sa kaniya. 2 Kung paano itinaboy ang usok, gayundin ang pagtaboy mo sa kanila; kung paano natutunaw ang kandila sa harap ng apoy, hayaang maglaho ang mga masama sa presensiya ng Diyos. 3 Pero hayaang matuwa ang mga matutuwid; hayaan silang magpakasaya sa harap ng Diyos; nawa ay magalak sila at maging masaya. 4 Umawit sa Diyos, umawit ng mga papuri sa kaniyang pangalan; gumawa ng daan sa kapatagan para sa naglalakbay sa gitna ng lambak sa Ilog Jordan; Yahweh ang kaniyang pangalan; magalak kayo sa harap niya. 5 Ang ama ng mga walang ama, ang hukom ng mga balo, ay Diyos sa banal na lugar kung saan siya nananahan. 6 Inilalagay ng Diyos ang mga nalulungkot na magkaroon ng mga pamilya; pinalalaya niya ang mga bilanggo na nag-aawitan; pero maninirahan sa tigang na lupa ang mga suwail. 7 O Diyos, nang lumabas ka sa harap ng iyong bayan, nang lumakad ka sa ilang, 8 nanginig ang lupa; nagbuhos din ng ulan ang kalangitan sa presensiya ng Diyos, sa presensiya ng Diyos nang pumunta siya sa Sinai, sa presensiya ng Diyos, ang Diyos ng Israel. 9 Ikaw, O Diyos, ay nagpadala ng saganang ulan; pinalakas mo ang iyong pamana noong nanghina ito. 10 Dito nanirahan ang iyong bayan; Ikaw, O Diyos, ay nagbigay sa mga mahihirap mula sa iyong kabutihan. 11 Nag-utos ang Panginoon, at isang malaking hukbo ang nagpamalita sa mga ito. 12 Nagsitakas ang mga hari ng mga hukbo, tumakbo sila, kaya pinaghati-hatian ng mga kababaihan na naghihintay sa tahanan ang mga nasamsam: 13 mga kalapati na balot ng pilak na may mga pakpak na ginto. Nang nagpaiwan kayo sa mga kuwadra, bakit ninyo nagawa ito? 14 Itinaboy ng Maykapal ang mga hari roon; kagaya nang pag-ulan ng niyebe sa Bundok ng Salmon! 15 Ang bulubunduking bayan ng Bashan ay isang matatag na bundok; isang matayog na bundok ang bulubunduking bayan ng Bashan. 16 Bakit mo pa kinaiinggitan, ikaw na mataas na bulubunduking bayan ang lugar na nais ng Diyos na panahanan? Tunay nga na maninirahan si Yahweh doon magpakailanman. 17 Dalawampung-libo ang karwahe ng Diyos, libo-libo; kasama nila ang Panginoon sa banal na lugar, gaya ng sa Sinai. 18 Naitanghal ka; pinalaya mo ang mga bihag; at tumanggap ka ng mga kaloob mula sa mga tao, maging sa mga lumaban sa iyo, nang sa gayon ikaw, Panginoong Diyos, ay manahan doon. 19 Purihin ang Panginoon, siya na bumubuhat ng ating mga pasanin araw-araw, ang Diyos ng ating kaligtasan. Selah. 20 Ang ating Diyos ay ang Diyos na nagliligtas; Si Yahweh ang Panginoon ang siyang may kakayahang magligtas sa atin mula sa kamatayan. 21 Pero papaluin ng Diyos ang mga ulo ng kaniyang mga kaaway, sa anit ng mga nagkasala laban sa kaniya. 22 Sinabi ng Panginoon, "Ibabalik ko ang aking mga kaaway mula sa Bashan; ibabalik ko sila mula sa kailaliman ng dagat 23 para madurog mo ang iyong mga kaaway, na parang sinasawsaw ang iyong paa sa dugo, at para magkaroon ng bahagi ang mga dila ng iyong mga aso mula sa iyong mga kaaway. 24 Nakita nila ang iyong mga prusisyon, O Diyos, ang mga prusisyon ng aking Diyos, aking Hari, tungo sa banal na lugar. 25 Naunang lumakad ang mga mang-aawit, sumunod ang mga manunugtog, at sa gitna ang mga dalagang tumutugtog ng mga tamburin. 26 Purihin ang Diyos sa kapulungan; purihin si Yahweh, kayong totoong kaapu-apuhan ng Israel. 27 Nauna roon ang Benjamin, ang pinakamaliit na tribo, pagkatapos ang mga pinuno ng Juda at kanilang kapulungan, ang mga pinuno ng Zebulun at ang mga pinuno ng Naptali. 28 Ang iyong Diyos, Israel, ang nagsaad ng iyong kalakasan; ipakita mo sa amin ang iyong kapangyarihan, O Diyos, gaya ng ipinakita mo noon. 29 Ipakita mo ang iyong kapangyarihan mula sa iyong templo sa Jerusalem kung saan nagdadala ng mga kaloob ang mga hari sa iyo. 30 Sumigaw sa paglaban sa mga mababangis na hayop sa mga kasukalan, laban sa mga tao, na gaya ng mga toro at guya. Ipahiya mo sila at padalahin mo sila ng mga kaloob sa iyo; ikalat mo ang mga tao na gustong-gusto ang digmaan. 31 Magsisilabas ang mga prinsipe sa Ehipto; magmamadali ang Etiopia na i-abot ang kaniyang mga kamay sa Diyos. 32 Umawit sa Diyos, kayong mga kaharian sa mundo; Umawit ng mga papuri kay Yahweh. 33 Sa kaniya na nakasakay sa langit ng mga kalangitan, na namuhay mula pa noong unang panahon; tingnan ninyo, itinataas niya ang kaniyang tinig ng may kapangyarihan. 34 I-ukol ang kalakasan sa Diyos; ang kaniyang kadakilaan ay nasa Israel; ang kaniyang kalakasan ay nasa kalangitan. 35 O Diyos, ikaw ay kinatatakutan sa iyong banal na lugar; ang Diyos ng Israel—nagbibigay siya ng kalakasan at kapangyarihan sa kaniyang bayan. Purihin ang Diyos.

Chapter 69

1 Iligtas mo ako, O Diyos, dahil nilagay ng katubigan ang buhay ko sa panganib. 2 Lumulubog ako sa malalim na putikan kung saan walang lugar na matatayuan; pumunta ako sa malalim na katubigan kung saan rumaragasa ang baha sa akin. 3 Napapagal ako sa aking pag-iyak; nanunuyo ang aking lalamunan; nanlalabo ang aking mga mata habang naghihintay ako sa Diyos. 4 Higit pa sa aking mga buhok sa ulo ang mga napopoot sa akin ng walang dahilan; ang mga pumapatay sa akin, ang naging mga kaaway ko dahil sa mga maling dahilan, ay makapangyarihan; ang mga hindi ko ninakaw ay kailangan kong ibalik. 5 O Diyos, alam mo ang aking kahangalan, at hindi nalilihim ang mga kasalanan ko sa iyo. 6 Huwag mong hayaang malagay sa kahihiyan ang mga naghihintay sa iyo dahil sa akin, Panginoong Diyos ng mga hukbo; huwag mong hayaang malagay sa kasiraang-puri ang mga naghahanap sa iyo dahil sa akin, O Diyos ng Israel. 7 Para sa iyong kapakanan, tinanggap ko ang panlalait; kahihiyan ang bumalot sa aking mukha. 8 Naging dayuhan ako sa aking mga kapatid, dayuhan sa mga anak ng aking ina. 9 Dahil nilamon ako ng kasigasigan sa iyong tahanan, at ang mga lait ng mga nanlalait sa iyo ay bumagsak sa akin. 10 Noong umiyak ako at hindi kumain, hinamak nila ako. 11 Noong ginawa kong kasuotan ang sako, naging paksa ako ng kawikaan sa kanila. 12 Pinag-uusapan ako ng mga nakaupo sa tarangkahan ng lungsod; ako ang awit ng mga manginginom. 13 Pero para sa akin, sa iyo ang aking panalangin, Yahweh, sa panahon na tatanggap ka; sagutin mo ako sa pagiging mapagkakatiwalaan ng iyong kaligtasan. 14 Hilahin mo ako mula sa putikan, at huwag mo akong hayaang lumubog; hayaan mo akong malayo mula sa napopoot sa akin at sagipin mo mula sa malalim na katubigan. 15 Huwag mong hayaang tabunan ako ng baha, ni hayaang lamunin ako ng kalaliman. Huwag mong hayaang isara ng hukay ang bibig nito sa akin. 16 Sagutin mo ako Yahweh, dahil mabuti ang iyong katapatan sa tipan; dahil labis ang iyong kahabagan sa akin, humarap ka sa akin. 17 Huwag mong itago ang iyong mukha sa iyong mga lingkod, dahil ako ay nasa kalungkutan; sagutin mo ako agad. 18 Lumapit ka sa akin at tubusin ako. Dahil sa aking mga kaaway, iligtas mo ako. 19 Alam mo ang aking paghihirap, kahihiyan at kasiraang-puri; nasa harap mo ang lahat ng aking mga kalaban. 20 Winasak ng pagtutuwid ang aking puso; punong-puno ako ng kabigatan; naghahanap ako ng sinumang maaawa sa akin, pero wala ni isa man. Naghahanap ako ng mga mag-aaliw, pero wala akong nakita. 21 Binigyan nila ako ng lason para kainin ko; sa aking pagka-uhaw binigyan nila ako ng suka para inumin. 22 Hayaan mong maging bitag ang mesa sa harap nila; kapag iniisip nila na ligtas sila, hayaan mong maging patibong ito. 23 Hayaan mong magdilim ang kanilang mga mata para hindi sila makakita; lagi mong yugyugin ang mga baywang nila. 24 Ibuhos mo ang iyong labis na galit sa kanila, hayaang mong abutan sila ng bagsik ng iyong galit. 25 Hayaan mong ang kanilang lugar ay maging kapanglawan; hayaang mong walang sinuman ang manirahan sa kanilang mga tolda. 26 Dahil inuusig nila ang siyang sinaktan mo; ibinalita nila sa iba ang hapdi ng mga sinugatan mo. 27 Isakdal mo sila dahil sa paggawa ng sunod-sunod na kasalanan; huwag mo silang hayaang pumasok sa matuwid mong katagumpayan. 28 Hayaan mo silang mabura sa aklat ng buhay at hindi maisulat kasama ng mga matutuwid. 29 Pero ako ay naghihirap at nagdadalamhati; hayaan mo, O Diyos, na parangalan ako ng iyong kaligtasan. 30 Pupurihin ko ang pangalan ng Diyos ng may awit at dadakilain siya ng may pasasalamat. 31 Higit na kalulugdan ito ng Diyos kaysa sa isang baka o toro na may mga sungay at paa. 32 Nakita ito ng mga mapagpakumbaba at natuwa; kayo na mga naghahanap sa Diyos, hayaan niyong mabuhay ang inyong mga puso. 33 Dahil naririnig ni Yahweh ang mga nangangailangan at hindi hinahamak ang mga bilanggo. 34 Purihin siya ng langit at lupa, ng mga dagat at lahat ng mga gumagalaw dito. 35 Dahil ililigtas ng Diyos ang Sion at itatayong muli ang mga lungsod sa Juda; maninirahan ang mga tao roon at aangkinin ito. 36 Mamanahin ito ng mga lingkod ng kaniyang mga kaapu-apuhan; maninirahan doon silang mga nagmamahal sa kaniyang pangalan.

Chapter 70

1 Iligtas mo ako, O Diyos! Yahweh, pumunta ka agad at tulungan ako. 2 Hayaan mong mapahiya ang mga nagtatangka sa aking buhay at mapahamak; hayaan mo silang tumalikod at madala sa kahihiyan, silang nakuhang magsaya sa aking kalungkutan. 3 Hayaan mo silang tumalikod dahil sa kanilang kahihiyan, silang mga nagsasabi ng, "Aha, aha." 4 Hayaan mong ang mga iyon na naghahanap sa inyo ay matuwa at magalak sa inyo; hayaan mong ang mga umiibig sa iyong kaligtasan na sabihin lagi, "Purihin nawa ang Diyos." 5 Pero ako ay mahirap at nangangailangan; magmadali ka sa akin, O Diyos; ikaw ang tutulong at sasagip sa akin. Yahweh, huwag kang maantala.

Chapter 71

1 Sa iyo, Yahweh, ako ay kumukubli; huwag mo ako kailanman ilagay sa kahihiyan. 2 Sagipin mo ako at iligtas sa iyong katuwiran; ibaling mo ang iyong tainga sa akin at iligtas ako. 3 Maging batong kublihan ka para sa akin kung saan man ako pumunta; nagbigay ka ng utos para iligtas ako, dahil ikaw ang aking bato at tanggulan. 4 Sagipin mo ako, aking Diyos, mula sa kamay ng masasama, mula sa kamay ng makasalanan at malupit. 5 Dahil ikaw ang aking pag-asa, Panginoong Yahweh. Nagtiwala ako sa iyo mula noong ako ay bata pa. 6 Habang ako ay nasa sinapupunan, inalalayan mo ako; ikaw ang siyang kumuha sa akin palabas sa tiyan ng aking ina; ang aking papuri ay tungkol palagi sa iyo. 7 Isa akong halimbawa sa maraming tao; ikaw ang aking matibay na kublihan. 8 Ang aking bibig ay mapupuno ng iyong papuri, na may karangalan mo sa buong araw. 9 Sa panahon ng aking pagtanda huwag mo akong itapon; huwag mo akong iwanan kapag ang aking lakas ay manghina. 10 Dahil ang aking mga kaaway ay pinag-uusapan ako, silang mga nagmamasid sa aking buhay ay sama-samang nagbabalak. 11 Sinasabi nila, “Pinabayaan siya ng Diyos” habulin at kunin siya, dahil wala ni isa ang magliligtas sa kaniya.” 12 O Diyos, huwag kang lumayo sa akin; aking Diyos, magmadali ka sa pagtulong sa akin. 13 Hayaan mo silang mapunta sa kahihiyan at masira, silang mga laban sa aking buhay; hayaan mo silang mapuno ng pagsaway at kasiraan, silang naghahangad na ako ay saktan. 14 Pero lagi akong aasa sa iyo at pupurihin kita nang higit pa. 15 Buong araw sasabihin ng aking bibig ang tungkol sa iyong katuwiran at iyong kaligtasan, bagamat hindi ko ito kayang unawain. 16 Pupunta ako sa kanila kasama ang mga makapangyarihang gawa ng Panginoong Yahweh; Aking babanggitin ang iyong katuwiran, ang iyo lamang. 17 O Diyos, tinuruan mo ako mula pa sa aking pagkabata; kahit ngayon ihinahayag ko ang iyong mga kahanga-hangang gawa. 18 Tunay nga, kahit na matanda na ako at maputi na ang buhok, O Diyos, huwag mo akong pabayaan, dahil ihinahayag ko ang iyong kalakasan sa susunod na salinlahi, at iyong kapangyarihan para sa lahat ng darating. 19 Maging ang iyong katuwiran, O Diyos, ay napakataas; ikaw na gumawa ng mga dakilang bagay, O Diyos, sino ang katulad mo? 20 Ikaw na nagpakita sa amin ng mga matitinding suliranin ay bubuhay sa amin at mag-aangat sa amin mula sa kailaliman ng mundo. 21 Dagdagan mo nawa ang aking karangalan; bumalik kang muli at aliwin ako. 22 Magpapasalamat din ako sa iyo gamit ang alpa para sa iyong pagiging mapagkakatiwalaan, aking Diyos; aawit ako sa iyo ng mga papuri gamit ang alpa, nag-iisang Banal na Diyos ng Israel. 23 Sisigaw sa galak ang aking mga labi habang inaawit ko ang mga papuri sa iyo, maging ako na iyong tinubos. 24 Sasabihin rin ng aking dila ang tungkol sa iyong katuwiran buong araw; dahil inilagay sila sa kahihiyan at nilito, sila na hinahangad ang aking kapahamakan.

Chapter 72

1 Ibigay mo sa hari ang iyong mga matuwid na mga tuntunin, O Diyos, ang iyong katuwiran sa anak na lalaki ng hari. 2 Hatulan niya nawa ang mga tao nang may katuwiran at ang mahihirap na may katarungan. 3 Magbunga nawa ang mga kabundukan ng kapayapaan sa bayan; magbunga nawa ng katuwiran ang mga burol. 4 Hatulan niya nawa ang mahihirap sa bayan; iligtas niya nawa ang mga anak ng nangangailangan at pira-pirasuhin ang mga mapang-api. 5 Parangalan nila nawa ikaw habang nananatili ang araw, at hangga’t ang buwan ay nananatili sa lahat ng salinlahi. 6 Bumaba siya nawa tulad ng ulan sa tuyong damo, tulad ng ambon na dinidiligan ang mundo. 7 Umunlad nawa ang matuwid sa kaniyang mga araw at magkaroon nawa ng kasaganahan ng kapayapaan hanggang sa mawala ang buwan. 8 Magkaroon nawa siya ng kapangyarihan mula mga dagat, at mula sa Ilog hanggang sa dulo ng mundo. 9 Yumuko nawa sa harapan niya silang mga naninirahan sa ilang; dilaan nawa ng kaniyang mga kaaway ang alikabok. 10 Magbigay nawa ng handog ang mga mga hari ng Tarsis at ng mga isla; mag-alay nawa ng mga handog ang mga hari ng Sheba at Seba. 11 Tunay nga, magsiyuko nawa sa harapan niya ang lahat ng mga hari; maglingkod nawa sa kaniya ang lahat ng mga bansa. 12 Dahil tinutulungan niya ang mga nangangailangan na tumatawag at mahihirap na walang ibang katulong. 13 May awa siya sa mga mahihirap at nangangailangan, at nililigtas niya ang buhay ng mga nangangailangan. 14 Tinutubos niya ang mga buhay nila mula sa pang-aapi at karahasan, at ang kanilang mga dugo ay mahalaga sa kaniyang paningin. 15 Mabuhay ang hari! Ipagkaloob nawa sa kaniya ang mga ginto ng Sheba. Manalangin nawa ang mga tao sa kaniya; pagpalain siya nawa ng Diyos buong araw. 16 Magkaroon nawa ng kasaganahan ng binhi sa tuktok ng mga kabundukan ng mundo; kumampay nawa sa hangin ang kanilang mga ani tulad ng mga puno sa Lebanon, at ang mga tao sa mga lungsod ay dumami gaya ng mga damo sa lupa. 17 Manatili nawa ang pangalan ng hari magpakailanman; nawa tumagal ang pangalan niya gaya ng araw; pagpalain nawa ang mga tao sa kaniya; nawa ang lahat ng bansa ay tawagin siyang pinagpala. 18 Pagpalain nawa si Yahweh, ang Diyos ng Israel, siya lamang na gumagawa ng mga kahanga-hangang mga bagay. 19 Pagpalain nawa ang kaniyang maluwalhating pangalan magpakailanaman, at mapuno nawa ang mundo ng kaniyang kaluwalhatian. Amen at Amen. 20 Ang mga panalangin ni David, na anak ni Jesse, ay tapos na. Ikatlong Libro

Chapter 73

1 Sadyang mabuti ang Diyos sa Israel sa mga may dalisay na puso. 2 Pero para sa akin, halos dumulas ang aking mga paa; halos dumulas ang aking mga paa sa aking paghakbang 3 dahil nainggit ako sa arogante nang makita ko ang kasaganaan ng masasama. 4 Dahil wala silang sakit hanggang sa kanilang kamatayan, kundi sila ay malakas at nakakakain nang mabuti. 5 Malaya sila mula sa mga pasanin tulad ng ibang mga tao; hindi sila nahihirapan katulad ng ibang mga tao. 6 Ang pagmamalaki ay nagpapaganda sa kanila na tulad ng kwintas na nakapalibot sa kanilang leeg; dinadamitan sila ng karahasan tulad ng balabal. 7 Mula sa ganoong pagkabulag nagmumula ang kasalanan; ang masamang mga kaisipan ay tumatagos sa kanilang mga puso. 8 Nangungutya silang nagsasabi ng mga masasamang bagay; nagmamalaki silang nagbabanta ng karahasan. 9 Nagsasalita sila laban sa kalangitan, at ang kanilang mga dila ay gumagala sa daigdig. 10 Kaya, ang bayan ng Diyos ay nakikinig sa kanila at ninanamnam ang kanilang mga salita. 11 Sinasabi nila, "Paano nalalaman ng Diyos? Alam ba ng Diyos kung ano ang nangyayari?" 12 Pansinin ninyo: ang mga taong ito ay masama; wala silang inaalala, lalo pa silang nagiging mayaman. 13 Sadyang walang kabuluhan na bantayan ko ang aking puso at hugasan ang aking mga kamay sa kawalang-kasalanan. 14 Dahil buong araw akong pinahirapan at dinisiplina bawat umaga. 15 Kung aking sinabi, "Sasabihin ko ang mga bagay na ito," parang pinagtaksilan ko ang salinlahi ng inyong mga anak. 16 Kahit na sinubukan kong unawain ang mga bagay na ito, napakahirap nito para sa akin. 17 Pagkatapos pumasok ako sa santuwaryo ng Diyos at naunawaan ang kanilang kapalaran. 18 Sadyang inilalagay mo sila sa madudulas na mga lugar; dinadala mo sila sa pagkawasak. 19 Paano sila naging disyerto sa isang iglap! Sumapit sila sa kanilang wakas at natapos sa kahindik-hindik na takot. 20 Katulad sila ng panaginip matapos magising; Panginoon, kapag ikaw ay tumindig, wala kang iisiping ganoong mga panaginip. 21 Dahil nagdalamhati ang aking puso, at ako ay labis na nasugatan. 22 Ako ay mangmang at kulang sa pananaw; ako ay katulad ng walang alam na hayop sa harapan mo. 23 Gayumpaman, ako ay palaging kasama mo; hawak mo ang aking kanang kamay. 24 Gagabayan mo ako ng iyong payo at pagkatapos tanggapin mo ako sa kaluwalhatian. 25 Sino ang hahanapin ko sa langit bukod sa iyo? Walang sinuman na nasa daigdig ang aking ninanais kundi ikaw. 26 Humina man ang aking katawan at ang aking puso, pero ang Diyos ang lakas ng aking puso magpakailanman. 27 Ang mga malayo sa iyo ay mamamatay; wawasakin mo ang lahat ng mga taksil sa iyo. 28 Pero para sa akin, ang kailangan ko lang gawin ay lumapit sa Diyos. Ginawa kong kublihan si Yahweh na aking Panginoon. Ipahahayag ko ang lahat ng iyong mga gawa.

Chapter 74

1 O Diyos, bakit mo kami laging tinatanggihan? Bakit ang iyong galit ay nag-aalab laban sa mga tupa ng iyong pastulan? 2 Alalahanin mo ang iyong bayan, na iyong tinubos noong sinaunang panahon, na iyong binili para maging sarili mong pamana, at sa Bundok ng Sion, kung saan ka nananahan. 3 Halika, tingnan mo ang mga lubos na pagkawasak, lahat ng pininsala na ginawa ng kaaway sa banal na lugar. 4 Ang iyong mga kalaban ay umatungal sa gitna ng iyong itinakdang lugar; inilagay nila ang kanilang mga bandila. 5 Sinibak nila gamit ang mga palakol gaya ng sa makapal na gubat. 6 Dinurog at sinira nila ang lahat ng mga inukit; sinira nila iyon gamit ang mga palakol at maso. 7 Sinunog nila ang iyong santuwaryo; nilapastangan nila kung saan ka naninirahan, at giniba ito. 8 Sinabi nila sa kanilang mga puso, "Wawasakin namin silang lahat. "Sinunog nila ang lahat ng iyong mga tagpuang lugar sa lupain. 9 Hindi na kami nakakikita ng anumang mga himala mula sa Diyos; wala ng propeta, at walang sinuman sa atin ang nakakaalam kung gaano ito tatagal. 10 O Diyos, gaano katagal ka lalaitin ng mga kaaway? Lalapastanganin ba ng kaaway ang iyong pangalan habang panahon? 11 Bakit mo pinipigilan ang iyong kamay, ang iyong kanang kamay? Gamitin mo ang iyong kanang kamay mula sa iyong kasuotan at wasakin sila. 12 Gayumpaman, ang Diyos ang aking naging hari mula pa noong sinaunang panahon, na nagdadala ng kaligtasan sa daigdig. 13 Hinati mo ang dagat sa pamamagitan ng iyong lakas; dinurog mo ang mga ulo ng halimaw na nasa dagat. 14 Dinurog mo ang mga ulo ng leviatan; pinakain mo siya sa mga naninirahan sa ilang. 15 Binuksan mo ang mga bukal at batis; tinuyo mo ang mga dumadaloy na ilog. 16 Ang araw ay sa iyo, at ang gabi ay sa iyo rin; nilagay mo ang araw at buwan. 17 Inilagay mo ang lahat ng mga hangganan sa daigdig; ginawa mo ang tag-araw at taglamig. 18 Alalahanin mo, Yahweh, kung paano ka binato ng kaaway ng mga panlalait, at nilapastangan ng mga hangal ang iyong pangalan. 19 Huwag mong ibigay ang buhay ng iyong kalapati sa isang mabangis na hayop. Huwag mong tuluyang kalimutan ang buhay ng iyong inaping bayan magpakailanman. 20 Alalahanin mo ang iyong tipan, dahil ang madidilim na mga rehiyon sa daigdig ay puno ng mga lugar ng karahasan. 21 Huwag mong hayaang maibalik ang mga inapi sa kahihiyan; nawa purihin ng mahirap at inaapi ang iyong pangalan. 22 Tumindig ka, O Diyos; ipagtanggol mo ang iyong sariling karangalan; alalahanin mo kung paano ka nilait ng mga hangal buong araw. 23 Huwag mong kalimutan ang tinig ng iyong mga kalaban o sigaw ng mga patuloy na sumasalungat sa iyo.

Chapter 75

1 O Diyos, kami ay magbibigay ng pasasalamat sa iyo; nagpapasalamat kami sa iyo dahil ipinakita mo ang iyong presensya; sinasabi ng mga tao ang iyong kahanga-hangang mga gawa. 2 Sa takdang panahon, hahatol ako ng patas. 3 Kahit na ang mundo at lahat ng mga naninirahan ay nanginginig sa takot, papanatagin ko ang mga haligi ng daigdig. Selah 4 Sinabi ko sa mga arogante, "Huwag kayong maging mayabang," at sa masasama, "Huwag kayong magtiwala sa tagumpay. 5 Huwag magpakasiguro na magtatagumpay kayo; huwag kayong taas-noong magsalita. 6 Hindi dumarating ang tagumpay mula sa silangan, mula sa kanluran, o mula sa ilang. 7 Pero ang Diyos ang hukom; binababa niya ang isa at itinataas ang iba. 8 Dahil hawak ni Yahweh ang kopa na may bumubulang alak sa kaniyang kamay, na may halong mga pampalasa, at ibinubuhos ito. Tunay nga, ang lahat ng masasama sa daigdig ay iinumin ito hanggang sa huling patak. 9 Pero patuloy kong sasabihin kung ano ang iyong nagawa; aawit ako ng papuri sa Diyos ni Jacob. 10 Sinasabi niya, "Aking puputulin ang lahat ng mga sungay ng masasama, pero ang mga sungay ng matutuwid ay itataas."

Chapter 76

1 Ipinakilala ng Diyos ang kaniyang sarili sa Juda; ang kaniyang pangalan ay dakila sa Israel. 2 Ang kaniyang tolda ay nasa Salem; ang kaniyang pinananahanan ay nasa Sion. 3 Doon, sinira ang mga palaso ng pana, ang kalasag, ang espada, at ang ibang mga sandata sa labanan. Selah 4 Kumikinang ka at ipinakita mo ang inyong kaluwalhatian, habang bumababa ka mula sa mga bundok, kung saan pinatay mo ang iyong mga biktima. 5 Ang mga matatapang ay nanakawan; nakatulog sila. Lahat ng mga mandirigma ay walang nagawa. 6 Sa iyong pagsaway, Diyos ni Jacob, parehong nakatulog ang kabayo at ang sakay nito. 7 Totoong ikaw nga ay dapat katakutan; sino ang makakatagal sa iyong paningin kapag ikaw ay nagalit? 8 Ang iyong paghatol ay nagmula sa langit; ang mundo ay takot at tahimik. 9 Ikaw, O Diyos, ay tumindig para isagawa ang paghatol at para iligtas ang lahat ng naapi sa mundo. Selah 10 Tunay nga, na ang iyong galit na paghatol sa mga taong iyon ay magdadala sa iyo ng papuri. Ganap mong ipinakita ang iyong galit. 11 Gumawa kayo ng mga pangako kay Yahweh na iyong Diyos at tuparin ang mga ito. Nawa lahat ng nakapaligid sa kaniya ay magdala ng kaloob, na siyang dapat katakutan. 12 Ibinababa niya ang lakas ng loob ng mga prinsipe; siya ay kinatatakutan ng mga hari sa mundo.

Chapter 77

1 Tatawag ako sa Diyos gamit ang aking tinig; tatawag ako sa Diyos gamit ang aking tinig, at diringgin ako ng aking Diyos. 2 Sa mga araw ng aking mga kaguluhan, hinanap ko ang Panginoon; sa gabi, inunat ko ang aking mga kamay, at hindi nito nagawang mapagod. Tumanggi akong mapanatag. 3 Inisip ko ang Diyos habang naghihinagpis ako; inisip ko siya habang nanghihina ako. Selah 4 Binuksan mo ang aking mga mata; labis akong nabahala para magsalita. 5 Iniisip ko ang nakaraan, tungkol sa mga panahong matagal nang nakalipas. 6 Sa kahabaan ng gabi inaalala ko ang awit na minsan kong inawit. Nag-isip akong mabuti at sinubukang unawain ang nangyari. 7 Tatanggihan ba ako ng Panginoon habang buhay? Hindi na ba niya muli ipakikita ang kaniyang tulong? 8 Ang kaniya bang katapatan sa tipan ay wala na habang buhay? 9 Habangbuhay na bang bigo ang kaniyang pangako? Nakalimutan na ba ng Diyos na maging mapagbigay-loob? Napigil na ba ng galit ang kaniyang habag? Selah 10 Sabi ko, "Ito ang aking hinagpis: ang pagbabago ng kanang kamay ng Makapangyarihang Diyos sa atin." 11 Pero, aalalahanin ko ang mga ginawa mo Yahweh; Iisipin ko ang mga kahanga-hangang mga ginawa mo noon. 12 Pagninilay-nilayan ko ang lahat ng mga ginawa mo at pagmumuni-munihin ko ang mga iyon. 13 Ang paraan ninyo O Diyos ay banal; anong diyos-diyosan ang maihahambing sa aming dakilang Diyos? 14 Ikaw ang Diyos na gumagawa ng mga kababalaghan; ipinakita mo ang iyong lakas sa mga tao. 15 Binigyan mo ng tagumpay ang iyong bayan sa pamamagitan ng iyong dakilang kapangyarihan - ang mga kaapu-apuhan ni Jacob at Jose. Selah 16 Nakita ka ng katubigan O Diyos; nakita ka ng katubigan, at natakot sila; ang kailaliman ng tubig ay nanginig. 17 Nagbuhos ng tubig ang mga ulap; ang kalangitan ay kumulog; kumikislap ang iyong mga palaso sa buong paligid. 18 Ang madagundong mong boses ay narinig sa hangin; inilawan ng kidlat ang mundo; nanginig at nayanig ito. 19 Papunta sa dagat ang iyong landas at ang iyong daan ay patungo sa umaalong tubig, pero ang mga bakas ng iyong mga paa ay hindi nakita. 20 Inakay mo ang iyong bayan tulad ng isang kawan sa pamamagitan ng mga kamay ni Moises at Aaron.

Chapter 78

1 Dinggin ninyo ang aking mga tinuturo, aking bayan, makinig kayo sa mga salita ng aking bibig. 2 Bubuksan ko ang aking bibig sa mga talinhaga; aawit ako tungkol sa mga bagay na lihim tungkol sa nakaraan. 3 Ito ang mga bagay na narinig at natutunan natin, mga bagay na sinabi sa atin ng ating mga ninuno. 4 Hindi natin ito itatago sa kanilang mga kaapu-apuhan. Sasabihin natin sa susunod na salinlahi ang tungkol sa kapuri-puring mga bagay na ginawa ni Yahweh, ang kaniyang kalakasan, at ang mga kababalaghan na kaniyang ginawa. 5 Dahil tinatag niya ang mga utos sa tipan kay Jacob at nagtalaga ng batas sa Israel. Inutusan niya ang ating mga ninuno na ituro ito sa kanilang mga anak. 6 Inutos niya ito para malaman ng darating na salinlahi ang kaniyang mga tuntunin, ang mga bata na hindi pa ipinapanganak ay dapat din nilang sabihin ito sa kanilang mga magiging anak. 7 Pagkatapos, ilalagak nila ang kanilang pag-asa sa Diyos at hindi kalilimutan ang mga ginawa niya pero susundin ang kaniyang mga kautusan. 8 Pagkatapos, hindi sila magiging katulad ng kanilang mga ninuno, na matigas ang ulo at rebeldeng salinlahi, salinlahi na hindi tama ang mga puso, at hindi mapagkakatiwalaan at hindi tapat sa Diyos. 9 Ang mga taga-Efraim ay armado ng mga pana, pero umatras sila sa araw ng labanan. 10 Hindi nila iningatan ang tipan sa Diyos, at tumanggi silang sumunod sa kaniyang batas. 11 Nakalimutan nila ang kaniyang mga ginawa, ang mga kamangha-manghang bagay na ipinakita niya sa kanila. 12 Gumawa siya ng kahanga-hangang mga bagay sa harap ng kanilang mga ninuno sa lupain ng Ehipto, sa lupain ng Soan. 13 Hinati niya ang dagat at dinala sila sa kabila nito; pinatayo niya ang mga tubig na gaya ng mga pader. 14 Sa umaga, pinangunahan niya sila ng ulap at sa buong gabi sa liwanag ng apoy. 15 Biniyak niya ang mga bato sa ilang, at binigyan sila ng maraming tubig, sapat para punuin ang kailaliman ng dagat. 16 Nagpaagos siya ng tubig mula sa bato at pinadaloy ang tubig gaya ng mga ilog. 17 Pero pinagpatuloy pa rin nilang magkasala sa inyo, nagrerebelde laban sa Kataas-taasang Diyos sa ilang. 18 Hinamon nila ang Diyos sa kanilang mga puso sa pamamagitan ng paghingi ng pagkain para pawiin ang kanilang gutom. 19 Nagsalita sila laban sa Diyos: Sabi nila, "Kaya ba talaga ng Diyos na maglatag ng lamesa para sa atin sa ilang? 20 Tingnan ninyo, nang hinampas niya ang bato, bumulwak ang tubig at nag-umapaw ang pagdaloy nito. Pero kaya din ba niya na magbigay ng tinapay? Magbibigay ba siya ng karne para sa kaniyang bayan? 21 Nang narinig ito ni Yahweh, nagalit siya; kaya nag-alab ang kaniyang apoy laban kay Jacob, nilusob ng galit niya ang Israel, 22 dahil hindi sila naniwala sa Diyos at hindi sila nagtiwala sa kaniyang kaligtasan. 23 Gayumpaman, inutusan niya ang mga kalangitan at binuksan ang pinto nito. 24 Nagpaulan siya ng manna para sa kainin nila, at binigyan sila ng butil mula sa langit. 25 Kinain ng mga tao ang tinapay ng mga anghel. Nagpadala siya sa kanila ng masaganang pagkain. 26 Pinaihip niya ang silangang hangin sa kalangitan, at sa pamamagitan ng kaniyang kapangyarihan, ginabayan niya ang katimugang hangin. 27 Nagpaulan siya ng karne para sa kanila gaya ng alikabok, mga ibon na singdami ng mga buhangin sa dagat. 28 Nahulog ito sa gitna ng kanilang kampo, sa buong paligid ng kanilang mga tolda. 29 Kaya kumain sila at nabusog. Binigay niya ang gusto nila. 30 Pero hindi pa rin sila nabusog; ang kanilang pagkain ay nasa mga bibig pa rin nila. 31 Pagkatapos, nilusob sila ng galit ng Diyos at pinatay ang pinakamalalakas sa kanila. Tinumba niya ang mga batang lalaki ng Israel. 32 Sa kabila nito, patuloy pa rin silang nagkasala at hindi sila naniwala sa kaniyang kahanga-hangang mga ginawa. 33 Dahil dito, pinaikli ng Diyos ang kanilang mga araw; ang kanilang mga taon ay napuno ng takot. 34 Sa tuwing pinapahirapan sila ng Diyos, nagsisimula silang hanapin siya, at babalik sila at masidhing hahanapin siya. 35 Maaalala nila na ang Diyos ang kanilang bato at ang Kataas-taasang Diyos ang kanilang tagapagligtas. 36 Pero bobolahin siya nila sa pamamagitan ng kanilang bibig at magsisinungaling sila sa pamamagitan ng kanilang mga salita. 37 Dahil ang kanilang mga puso ay hindi matatag na nakatuon sa kaniya, at hindi sila tapat sa kaniyang tipan. 38 Gayumpaman, siya ay naging maawain, pinatawad niya ang kanilang labis na kasalanan at hindi sila winasak. Oo, maraming beses niyang pinigil ang kaniyang galit at hindi pinukaw lahat ang kaniyang matinding galit. 39 Inalala niya na sila ay gawa sa laman, isang hangin na umiihip at hindi na bumalik. 40 Napakadalas nilang nagrebelde laban sa kaniya sa ilang at pinagdalamhati siya sa tigang na mga rehiyon! 41 Paulit-ulit nilang sinubok ang Diyos at sinaktan ang Banal ng Israel. 42 Hindi nila inisip ang kaniyang kapangyarihan, kung paano niya sila niligtas mula sa mga kalaban 43 nang ipinakita niya ang nakasisindak na mga tanda sa Ehipto at kababalaghan niya sa rehiyon ng Soan. 44 Ginawa niyang dugo ang mga ilog ng Ehipto para hindi sila makainom mula sa kanilang mga batis. 45 Nagpadala siya ng kulupon ng mga langaw na lumamon sa kanila at mga palaka na kumalat sa kanilang lupain. 46 Binigay niya ang kanilang mga pananim sa mga tipaklong at ang trabaho nila sa mga balang. 47 Winasak niya ang kanilang mga taniman gamit ang yelo at ang kanilang mga punong sikamore ng mas maraming pang yelo. 48 Nagpaulan siya ng yelo sa kanilang mga baka at naghagis ng mga kidlat sa kanilang mga baka. 49 Ang bagsik ng kaniyang galit ay humagupit laban sa kanila. Pinadala niya ang kaniyang poot, matinding galit, at kaguluhan tulad ng mga kinatawan na sinugo para magdala ng sakuna. 50 Itinaas niya ang landas ng kaniyang galit; hindi niya sila niligtas mula sa kamatayan pero ibinigay niya sila sa salot. 51 Pinatay niya ang lahat ng panganay sa Ehipto, ang panganay ng kanilang lakas sa mga tolda ni Ham. 52 Inakay niya ang sarili niyang bayan gaya ng tupa at ginabayan sila mula sa ilang gaya ng isang kawan. 53 Inakay niya sila nang may kapanatagan at walang takot, pero nagapi ng dagat ang kanilang mga kaaway. 54 Pagkatapos, dinala niya sila sa hangganan ng kaniyang banal na lupain, sa kaniyang bundok na nakuha ng kaniyang kanang kamay. 55 Tinaboy niya ang mga bansa sa kanilang mga harapan at itinalaga sila sa kanilang pamana; pinatira niya ang mga tribu ng Israel sa kanilang mga tolda. 56 Pero hinamon at sumuway sila sa Kataas-taasang Diyos at hindi sinunod ang kaniyang banal na mga kautusan. 57 Hindi sila tapat at kumilos sila nang may kataksilan gaya ng kanilang mga ama; hindi sila maaasahan tulad ng isang sirang pana. 58 Dahil siya ay ginalit nila sa kanilang paganong mga templo at pinukaw siya na magalit dahil sa kanilang mga diyos-diyosan. 59 Nang marinig ito ng Diyos, nagalit siya at lubusang itinakwil ang Israel. 60 Iniwan niya ang banal na santuwaryo ng Shilo, ang tolda kung saan siya naninirahan kasama ng mga tao. 61 Hinayaan niyang mahuli ang kaniyang lakas at ibinigay niya ang kaniyang kaluwalhatian sa kamay ng kaniyang mga kaaway. 62 Ibinigay niya ang kaniyang bayan sa mga espada, at nagalit siya sa kaniyang pamana. 63 Nilamon ng apoy ang kanilang mga binata, at ang mga dalaga nila ay walang mga kantang pangkasal. 64 Nahulog ang kanilang mga pari sa espada, at ang kanilang mga balo ay hindi makaiyak. 65 Pagkatapos, gumising ang Diyos mula sa pagkakatulog, gaya ng isang mandirigma na sumisigaw dahil sa alak. 66 Pinaatras niya ang kaniyang mga kaaway; inilagay niya sila sa walang hanggang kahihiyan. 67 Tinanggihan niya ang tolda ni Jose, at hindi niya pinili ang tribu ni Efraim. 68 Pinili niya ang tribu ng Juda at Bundok ng Sion na iniibig niya. 69 Itinayo niya ang kaniyang banal na santuwaryo gaya ng langit, gaya ng daigdig na kaniyang itinatag magpakailanman. 70 Pinili niya si David, ang kaniyang lingkod, at kinuha siya mula sa kulungan ng mga tupa. 71 Kinuha siya mula sa pagsunod sa mga babaeng tupa kasama ng mga kanilang anak, at dinala siya para maging pastol ni Jacob, ng kaniyang bayan, at ng Israel, na kaniyang pamana. 72 Pinatnubayan sila ni David nang may dangal sa kaniyang puso, at ginabayan sila sa pamamagitan ng kahusayan ng kaniyang mga kamay.

Chapter 79

1 O Diyos, ang mga dayuhang bansa ay dumating sa iyong pamana; dinungisan nila ang iyong banal na templo; ginawa nilang isang bunton ng pagkawasak ang Jerusalem. 2 Ibinigay nila ang mga patay na katawan ng iyong mga lingkod bilang pagkain ng mga ibon sa himpapawid, ang mga katawan ng iyong tapat na bayan sa mga halimaw ng daigdig. 3 Ibinuhos nila ang kanilang dugo na parang tubig sa paligid ng Jerusalem, at walang naglilibing sa kanila. 4 Kami ay naging isang kasiraan para sa aming mga kapwa para magawan ng panunuya at pangungutya ng mga nakapaligid sa amin. 5 Gaano katagal, Yahweh? Mananatili ba ang iyong galit magpakailanman? Gaano katagal mag-iinit tulad ng apoy ang galit ng iyong pagseselos? 6 Ibuhos mo ang iyong poot sa mga bansa na hindi nakakakilala sa iyo at sa mga kaharian na hindi tumatawag sa iyong pangalan. 7 Dahil nilamon nila si Jacob at winasak ang kaniyang mga nayon. 8 Huwag ibilang ang mga kasalanan ng aming mga ninuno laban sa amin; dumating nawa ang mga mahabaging pagkilos mo sa amin, dahil napakahina namin. 9 Tulungan mo kami, Diyos ng aming kaligtasan, alang-alang sa kaluwalhatian ng iyong pangalan; iligtas mo kami at patawarin ang aming mga kasalanan alang-alang sa iyong pangalan. 10 Bakit kailangan sabihin ng mga bansa, "Nasaan ang kanilang Diyos?" Nawa ang dugo ng iyong mga lingkod na ibinuhos ay maipaghiganti sa mga bansang nasa harap ng aming mga mata. 11 Nawa ang mga pagdaing ng mga bilanggo ay dumating sa harap mo; sa kadakilaan ng iyong kapangyarihan panatilihin mong buhay ang mga anak ng kamatayan. 12 Pagbayarin mo sa mga kandungan ng aming mga karatig- bansa ng pitong beses ang mga pang-iinsulto sa iyo, Panginoon. 13 Kaya kami na bayan mo at tupa ng iyong pastulan ay magbibigay ng pasasalamat sa iyo magpakailanman. Sasabihin namin ang iyong mga papuri sa lahat ng mga salinlahi.

Chapter 80

1 Bigyang pansin mo, Pastol ng Israel, ikaw na nangunguna kay Jose tulad ng isang kawan; ikaw na nakaupo sa ibabaw ng kerubin, magliwanag ka sa amin! 2 Sa paningin ni Efraim at Benjamin at Manases, palakasin mo ang iyong kapangyarihan; lumapit ka at iligtas kami. 3 O Diyos, panumbalikin mo kaming muli; pagliwanagin mo ang iyong mukha sa amin, at kami ay maliligtas. 4 Yahweh Diyos ng mga hukbo, hanggang kailan ka magagalit sa iyong bayan kapag sila ay nananalangin? 5 Pinakain mo sila ng tinapay ng luha at binigyan sila ng napakaraming luha para mainom. 6 Ginagawan mo kami ng bagay para pagtalunan kami ng aming kapwa, at pinagtatawanan kami ng aming mga kaaway. 7 Diyos ng mga hukbo, panumbalikin mo kami; pagliwanagin mo ang iyong mukha sa amin, at kami ay maliligtas. 8 Nagdala ka ng puno ng ubas mula sa Egipto; pinalayas mo ang mga bansa at itinanim ito sa ibang lugar. 9 Nilinis mo ang lupain para dito; nag-ugat ito at pinuno ang lupain. 10 Ang mga bundok ay natakpan ng lilim nito, ang pinakamataas na mga puno ng sedar ng Diyos sa mga sanga nito. 11 Umaabot ang mga sanga nito hanggang sa dagat at mga usbong nito hanggang sa Ilog Eufrates. 12 Bakit mo winasak ang mga pader nito para ang lahat ng dumaraan ay pipitas ng bunga nito? 13 Sinisira ito ng mga baboy-ramong nasa gubat, at kinakain ito ng mga halimaw sa bukid. 14 Bumalik ka, Diyos ng mga hukbo; pagmasdan mo mula sa langit at pansinin at alagaan ang puno ng ubas na ito. 15 Ito ang ugat na itinanim ng iyong kanang kamay, ang usbong na pinalago mo 16 Ito ay sinunog at pinutol; nawa mapuksa ang iyong mga kaaway dahil sa iyong pagsaway. 17 Nawa ang iyong kamay ay maipatong sa taong iyong kanang kamay, sa anak ng tao na pinalakas mo para sa iyong sarili. 18 Sa gayon hindi kami tatalikod mula sa iyo; pasiglahin mo kami, at tatawag kami sa iyong pangalan. 19 Ibalik mo kami, Yahweh, Diyos ng mga hukbo; magliwanag ka sa amin, at kami ay maliligtas.

Chapter 81

1 Umawit nang malakas sa Diyos ng aming kalakasan; sumigaw nang may kagalakan para sa Diyos ni Jacob. 2 Umawit at tumugtog ng tamburin, ng kaaya-ayang lira kasama ng alpa. 3 Hipan ang sungay ng lalaking tupa sa araw ng bagong buwan, sa araw ng kabilugan ng buwan, kapag nagsimula ang araw ng aming kapistahan. 4 Dahil ito ay isang batas para sa Israel, isang kautusan na ibinigay ng Diyos ni Jacob. 5 Nagpalabas siya nito bilang isang patakaran kay Jose noong siya ay nagtungo sa lupain ng Ehipto, kung saan nakarinig ako ng wika na hindi ko naintindihan. 6 "Inalis ko ang pasanin mula sa kaniyang balikat; ang kaniyang mga kamay ay nakalaya mula sa pagkakahawak ng basket. 7 Sa iyong pagdadalamhati ikaw ay tumawag, at tinulungan kita; Tinugon kita mula sa isang madilim na ulap na may kasamang kulog. Sinubok kita sa mga tubig ng Meriba. Selah 8 Makinig kayo, aking bayan, dahil babalaan ko kayo, Israel, kung makikinig lamang kayo sa akin! 9 Walang dapat na maging dayuhang diyos sa inyo; hindi ninyo dapat sambahin ang anumang dayuhang diyos. 10 Ako si Yahweh na inyong Diyos, na naglabas sa inyo mula sa lupa ng Ehipto. Ibuka ninyo nang malaki ang inyong bibig, at pupunuin ko ito. 11 Pero hindi nakinig ang aking bayan sa aking mga salita; hindi ako sinunod ng Israel. 12 Kaya hinayaan ko sila na sundin ang katigasan ng sarili nilang pamamaraan para maaari nilang gawin kung ano sa tingin nila ang tama. 13 O, nawa makinig ang aking bayan sa akin; O, nawa lumakad sa aking mga landas ang aking bayan. 14 Pagkatapos agad kong pasusukuin ang kanilang mga kaaway at ibabaling ko ang aking kamay laban sa mga nang-aapi sa kanila. 15 Nawa ang mga napopoot kay Yahweh ay yumuko nang may takot sa harap niya! Nawa sila ay mapahiya magpakailanman. 16 Pakakainin ko ang Israel ng pinakamainam na trigo; pasisiyahin ko kayo ng pulot na lumalabas mula sa bato."

Chapter 82

1 Tumatayo ang Diyos sa banal na pagtitipon; sa kalagitnaan ng mga diyos, nagbibigay siya ng paghatol. 2 Gaano katagal kang hahatol nang walang katarungan at magpapakita ng pagtatangi sa masasama? Selah 3 Ipagtanggol mo ang mahihirap at mga ulila sa ama; panatilihin mo ang mga karapatan ng pinapahirapan at dukha. 4 Sagipin mo ang mahihirap at nangangailangan; alisin mo sila sa kamay ng masasama. 5 Hindi nila nalalaman ni nauunawaan; nagpapalabuy-laboy sila sa kadiliman; lahat ng mga pundasyon ng lupa ay gumuguho. 6 Sinabi ko, "Kayo ay mga diyos, at lahat kayong mga anak ng Kataas-taasan. 7 Gayumpaman mamamatay kayo tulad ng mga tao at babagsak tulad ng isa sa mga prinsipe." 8 Bumangon, O Diyos, hatulan mo ang daigdig, dahil mamanahin mo ang lahat ng mga bansa.

Chapter 83

1 O Diyos, huwag kang manahimik! Huwag mo kaming isawalang bahala at manatiling hindi kumikilos, O Diyos. 2 Tingnan mo, ang iyong mga kaaway ay nanggugulo, at ang mga napopoot sa iyo ay nagmamataas. 3 Sila ay nagsasabwatan laban sa iyong bayan at magkakasamang nagbabalak laban sa iyong mga pinangangalagaan. 4 Sinabi nila, "Halina, at wasakin natin sila bilang isang bansa. Sa gayon ang pangalan ng Israel ay hindi na maaalala pa." 5 Sama-sama silang nagbalak ng isang mahusay na paraan; gumawa sila ng alyansa laban sa iyo. 6 Kabilang dito ang mga tolda ng Edom at ang mga Ismaelita, at ang mga mamamayan ng Moab at ang Agarenos, na nagbalak ng masama kasama nina 7 Gebal, Ammon, Amalek; kabilang din dito ang Filistia at ang mga nakatira sa Tiro. 8 Ang Asiria ay kaanib din nila; sila ay tumutulong sa kaapu-apuhan ni Lot. Selah 9 Gawin mo sa kanila ang tulad ng ginawa mo sa Midian, sa Sisera at sa Jabi sa Ilog ng Kison. 10 Namatay sila sa Endor at naging tulad ng pataba sa lupa. 11 Gawin mong tulad nina Oreb at Zeeb ang kanilang mga maharlika, at lahat ng kanilang mga prinsipe tulad nina Zeba at Zalmuna. 12 Sinabi nila, "Kunin natin ang mga pastulan ng Diyos." 13 Aking Diyos, gawin mo silang tulad ng ipo-ipong alikabok, tulad ng ipa sa hangin, 14 tulad ng apoy na sumusunog sa gubat, at tulad ng apoy na sumusunog sa kabundukan. 15 Habulin mo sila ng iyong malakas na hangin, at sindakin sila ng iyong bagyo. 16 Balutan mo ang kanilang mga mukha ng kahihiyan para hanapin nila ang iyong mukha, Yahweh. 17 Nawa mailagay sila sa kahihiyan at masindak magpakailanman; nawa ay mamatay sila sa kahihiyan. 18 At malalaman nila na ikaw lamang, Yahweh, ang Kataas-taasan sa buong mundo.

Chapter 84

1 Kaibig-ibig ang lugar kung saan kayo nakatira, Yahweh ng mga hukbo! 2 Nananabik ako sa mga patyo ni Yahweh, pinagod ako ng aking pagnanais para dito. Ang aking puso at ang buo kong pagkatao ay tumatawag sa buhay na Diyos. 3 Kahit ang maya ay nakahanap ng isang tirahan para sa kaniya na maging ang pugad ng inakay ng layang-layang ay malapit sa inyong mga altar, Yahweh ng mga hukbo, aking Hari, at aking Diyos. 4 Pinagpala mo sila na nakatira sa inyong tahanan; patuloy ka nilang pinupuri. Selah 5 Pinagpala ang tao na ang lakas ay nasa iyo, na ang puso ay mga daanan papunta sa Sion. 6 Sa pagdaan sa lambak ng Pag-iyak, nakahanap sila ng bukal ng tubig para inumin. Ang mga maagang ulan ay tinatakpan ito ng maraming tubig. 7 Sila ay naglalakbay mula sa kalakasan patungo sa kalakasan; ang bawat isa sa kanila ay humaharap sa Diyos sa Sion. 8 Yahweh ang Diyos ng mga hukbo, dinggin mo ang aking panalangin; Diyos ni Jacob, pakinggan mo ang aking sinasabi! Selah 9 O Diyos, bantayan ang aming kalasag; magpakita ka ng pag-aalala sa inyong hinirang. 10 Dahil ang isang araw sa iyong patyo ay mas mabuti kaysa isang libo sa ibang dako. Mas nanaisin kong maging bantay sa pinto ng tahanan ng aking Diyos, kaysa mabuhay sa tolda ng mga masasama. 11 Dahil si Yahweh na Diyos ay ang ating araw at kalasag; si Yahweh ay magbibigay ng biyaya at kaluwalhatian; hindi niya pinagkakait ang anumang mabuting bagay mula sa lumalakad na may dangal. 12 Yahweh ng mga hukbo, pinagpala ang taong nagtitiwala sa inyo.

Chapter 85

1 Yahweh, nagpakita ka ng pabor sa iyong lupain; ibinalik mo ang kagalingan ni Jacob. 2 Pinatawad mo ang kasalanan ng iyong mamamayan; tinakpan mo ang lahat ng kanilang kasalanan. Selah 3 Binawi mo ang lahat ng iyong poot; tumalikod ka mula sa iyong galit. 4 Panumbalik mo kami, Diyos ng aming kaligtasan, at bitawan ang iyong inis sa amin. 5 Magagalit ka ba sa amin magpakailanman? Mananatili ka bang galit hanggang sa mga salinlahi sa hinaharap? 6 Hindi mo ba kami bubuhaying muli? Pagkatapos ang iyong bayan ay magagalak sa iyo. 7 Ipakita mo sa amin ang iyong katapatan sa tipan, Yahweh, ipagkaloob mo sa amin ang iyong kaligtasan. 8 Makikinig ako sa sasabihin ni Yahweh na Diyos, dahil siya ay makikipag-ayos sa kaniyang bayan, ang kaniyang matapat na tagasunod. Pero hindi sila dapat bumalik sa hangal na pamamaraan. 9 Tiyak na ang kaniyang kaligtasan ay malapit sa mga may takot sa kaniya, kaya ang kaluwalhatian ay mananatili sa ating lupain. 10 Ang katapatan sa tipan at pagiging mapagkakatiwalaan ay nagkatagpo, ang katuwiran at kapayapaan ay hinalikan ang isa't isa. 11 Ang pagiging mapagkakatiwalaan ay uusbong mula sa lupa, at ang tagumpay ay dudungaw mula sa langit. 12 Oo, si Yahweh ay magbibigay ng kaniyang mabubuting pagpapala, at mamumunga ang mga pananim sa ating lupain. 13 Pangungunahan siya ng katuwiran at gagawa ng daan para sa kaniyang mga yapak.

Chapter 86

1 Makinig ka, Yahweh, at sagutin mo ako, dahil ako ay mahirap at inapi. 2 Pangalagaan mo ako, dahil ako ay matapat; aking Diyos, iligtas mo ang iyong lingkod na nagtitiwala sa iyo. 3 Maawa ka sa akin, Panginoon, dahil ako ay tumatawag sa iyo buong araw. 4 Pasayahin mo ang iyong lingkod, dahil sa iyo, Panginoon, ako nagdarasal. 5 Ikaw, Panginoon, ay mabuti, at handang magpatawad, at nagpapakita ka ng malaking awa sa lahat ng tumatawag sa iyo. 6 Yahweh, makinig ka sa aking panalangin, dinggin mo ang aking pagsamo. 7 Sa araw ng aking kaguluhan tumatawag ako sa iyo, dahil sasagutin mo ako. 8 Walang sinuman ang maihahambing sa iyo sa mga diyos, Panginoon. Walang mga gawa ang makakatulad sa mga ginawa mo. 9 Lahat ng bansa na iyong ginawa ay pupunta at yuyuko sa iyo, Panginoon. Pararangalan nila ang iyong pangalan. 10 Dahil ikaw ay dakila at gumagawa ng kamangha-manghang mga bagay, ikaw lamang ang Diyos. 11 Turuan mo ako ng iyong mga pamamaraan, Yahweh. At ako ay lalakad sa iyong katotohanan. Pag-isahin mo ang aking puso sa pagsamba sa iyo. 12 Panginoon aking Diyos, pupurihin kita ng buong puso, luluwalhatiin ko ang iyong pangalan magpakailanman. 13 Dahil dakila ang iyong katapatan sa tipan para sa akin, iniligtas mo ang aking buhay mula sa kailaliman ng sheol. 14 O Diyos, ang mayayabang ay naghihimagsik laban sa akin. Ang isang pangkat ng marahas na mga lalaki ay nagbabanta sa aking buhay. Wala silang pagsasaalang-alang para sa iyo. 15 Pero kayo, Panginoon, ay maawain at mabait na Diyos, matagal magalit, at sagana sa pagiging tapat at mapagkakatiwalaan sa tipan. 16 Harapin mo ako at maawa ka sa akin, ibigay mo ang iyong kalakasan sa iyong lingkod; iligtas mo ang anak ng babaeng lingkod mo. 17 Magpakita kayo sa akin ng tanda ng iyong pabor. Kung ganoon sinumang napopoot sa akin ay makikita ito at malalagay sa kahihiyan dahil ikaw, Yahweh, ang tumulong at umaliw sa akin.

Chapter 87

1 Ang lungsod ng Panginoon ay naitatag sa banal na mga kabundukan. 2 Mas minamahal ni Yahweh ang mga tarangkahan ng Sion kaysa sa lahat ng mga tolda ni Jacob. 3 Mga maluwalhating bagay ay sinabi sa iyo, lungsod ng Diyos. Selah 4 Binanggit ko ang Rahab at Babilonia sa mga tagasunod ko. Masdan ninyo, may Filistia, at Tiro, kasama ang Etiopia. Ang isang ito ay ipinanganak doon. 5 Sa Sion ay sasabihin ito, "Bawat isa rito ay ipinanganak sa kaniya; at ang Kataas-taasan mismo ang magtatatag sa kaniya." 6 Tinatandaan ni Yahweh habang inililista niya ang mga tao, "Ang isang ito ay ipinanganak doon." Selah 7 Kaya sinasabi ng mang-aawit at mananayaw, "Ang lahat ng aking bukal ng tubig ay nasa iyo."

Chapter 88

1 Yahweh, Diyos ng aking kaligtasan, araw at gabi akong umiiyak sa iyo. 2 Pakinggan mo ang aking panalangin; pansinin mo ang aking pag-iyak. 3 Dahil puno ako ng mga kaguluhan, at umabot na ang buhay ko sa Sheol. 4 Tinuturing ako ng mga tao na gaya ng mga bumababa sa hukay; ako ay isang taong walang lakas. 5 Iniwan ako sa gitna ng mga patay; katulad ako ng mga patay na nakahimlay sa libingan, na wala ka nang pakialam dahil naalis na sila mula sa iyong kapangyarihan. 6 Inilagak mo ako sa pinakamalalim na bahagi ng hukay, sa madilim at malalim na mga lugar. 7 Nakadagan sa akin ang bigat ng iyong poot, at lahat ng iyong mga alon ay humahampas sa akin. Selah 8 Dahil sa iyo, iniiwasan ako ng mga kasama ko. Ginawa mo akong katakot-takot na tanawin sa kanila. Nakagapos ako at hindi ako makatakas. 9 Namamaga ang mga mata ko dahil sa pighati; Buong araw akong tumatawag sa iyo, Yahweh; inuunat ko ang aking mga kamay sa iyo. 10 Gagawa ka ba ng mga himala para sa patay? Babangon ba ulit silang mga namatay para papurihan ka? Selah 11 Maihahayag ba sa libingan ang iyong katapatan sa tipan, ang iyong pagiging tapat sa lugar ng mga patay? 12 Malalaman ba ang kamangha-mangha mong mga ginawa sa kadiliman, o ang iyong katuwiran sa lugar ng pagkamakalimutin? 13 Pero dumadaing ako sa iyo, Yahweh; sa umaga ay idinudulog ko sa iyong harapan ang aking mga panalangin. 14 Yahweh, bakit mo ako tinatanggihan? Bakit mo tinatago ang iyong mukha mula sa akin? 15 Matagal na akong naghihirap at nasa bingit na ng kamatayan simula pa nang aking kabataan. Nagdusa na ako sa labis mong galit; wala na akong magagawa. 16 Dinaanan na ako ng iyong galit, at pinuksa ako ng katakot-takot mong mga gawain. 17 Buong araw nila akong pinaligiran katulad ng tubig; pinalibutan nila ako. 18 Tinanggal mo ang bawat kaibigan at kasama mula sa akin. Ang tanging kasama ko lang ay ang kadiliman.

Chapter 89

1 Magpakailanman kong aawitin ang mga ginawa ni Yahweh sa kaniyang katapatan sa tipan. Ihahayag ko sa mga susunod na salinlahi ang iyong pagiging totoo. 2 Dahil aking sinabi, "Ang katapatan sa tipan ay naitatag magpakailanman; itinatag mo ang iyong pagkamatapat sa kalangitan." 3 "Nakipagtipan ako sa aking pinili, nangako ako sa aking lingkod na si David. 4 Itataguyod ko ang iyong mga kaapu-apuhan magpakailanman, at itataguyod ko ang iyong trono sa bawat salinlahi." Selah 5 Pinupuri ng kalangitan ang iyong kamanghaan, Yahweh; ang iyong pagiging totoo ay pinupuri sa pagtitipon ng mga banal. 6 Dahil sino sa kalangitan ang maihahambing kay Yahweh? Sino sa mga anak ng mga diyos ang katulad ni Yahweh? 7 Siya ay Diyos na lubos na pinararangalan sa konseho ng mga banal at ang kamangha-mangha sa gitna ng lahat ng nakapalibot sa kaniya. 8 Yahweh, Diyos ng mga hukbo, sino ang kasing lakas mo, Yahweh? Pinapaligiran ka ng iyong katapatan. 9 Pinaghaharian mo ang nagngangalit na mga dagat; kapag gumugulong ang mga alon, pinapayapa mo ang mga ito. 10 Dinurog mo si Rahab katulad ng isang taong pinatay. Kinalat mo ang mga kaaway mo sa pamamagitan ng malakas mong bisig. 11 Sa iyo ang kalangitan, pati na ang kalupaan. Nilikha mo ang mundo at lahat ng nilalaman nito. 12 Nilikha mo ang hilaga at timog. Nagsasaya ang Tabor at Hermon sa pangalan mo. 13 Mayroon kang makapangyarihang bisig at malakas na kamay, at nakataas ang iyong kanang kamay. 14 Katuwiran at hustisya ang saligan ng iyong trono. Katapatan sa tipan at pagiging mapagkakatiwalaan ang nasa harapan mo. 15 Mapalad ang mga sumasamba sa iyo! Yahweh, lumalakad sila sa liwanag ng iyong mukha. 16 Buong araw silang nagsasaya sa pangalan mo, at itinataas ka nila sa katuwiran mo. 17 Ikaw ang kanilang dakilang kalakasan, at sa iyong pabor kami ay nagtatagumpay. 18 Dahil ang kalasag namin ay pagmamay-ari ni Yahweh; ang hari namin ay Ang Banal ng Israel. 19 Matagal na ang nakalipas nang nagsalita ka sa matatapat sa iyo sa pamamagitan ng pangitain; sinabi mo, "Pinatungan ko ng korona ang isang taong magiting; humirang ako mula sa mga tao. 20 Pinili ko si David na aking lingkod; hinirang ko siya gamit ang aking banal na langis. 21 Aalalayan siya ng aking kamay; palalakasin siya ng aking bisig. 22 Walang kaaway ang makapanlilinlang sa kaniya; walang anak ng kasamaan ang mang-aapi sa kaniya. 23 Dudurugin ko ang mga kaaway niya sa kaniyang harapan; papatayin ko ang mga namumuhi sa kaniya. 24 Makakasama niya ang aking katotohanan at ang aking katapatan sa tipan; sa pamamagitan ng pangalan ko siya ay magtatagumpay. 25 Ipapatong ko ang kaniyang kamay sa ibabaw ng dagat at ang kanang kamay niya sa ibabaw ng mga ilog. 26 Tatawagin niya ako, 'Ikaw ang aking Ama, aking Diyos, ang bato ng aking kaligtasan.' 27 Gagawin ko rin siyang panganay kong anak na lalaki, ang pinaka-tinatanghal sa mga hari ng lupa. 28 Ipagpapatuloy ko ang aking katapatan sa tipan sa kaniya magpakailanman; at ang tipan ko sa kaniya ay magiging matatag. 29 Itataguyod ko ang kaniyang mga kaapu-apuhan magpakailanman at ang kaniyang trono ay magiging kasing tatag ng kalangitan. 30 Kung iiwanan ng kaniyang mga anak ang aking batas at susuwayin ang aking mga kautusan, 31 kung lalabagin nila ang aking mga patakaran at hindi susundin ang aking mga kautusan, 32 parurusahan ko ang kanilang paghihimagsik gamit ang isang pamalo at ang kanilang mga kasalanan ng aking mga suntok. 33 Pero hindi ko aalisin ang aking katapatan sa tipan mula sa kaniya o hindi magiging totoo sa aking pangako. 34 Hindi ko puputulin ang aking tipan o babaguhin ang mga salita ng aking mga labi. 35 Higit kailanman ako ay nangako sa aking kabanalan - hindi ako magsisinungaling kay David: 36 ang kaniyang mga kaapu-apuhan at ang kaniyang trono ay magpapatuloy magpakailanman na kasing tagal ng araw sa aking harapan. 37 Magiging matatag ito magpakailanman katulad ng buwan, ang tapat na saksi sa kalangitan. " Selah 38 Pero itinanggi mo at itinakwil; nagalit ka sa iyong hinirang na hari. 39 Tinalikuran mo ang tipan ng iyong lingkod. Nilapastangan mo ang kaniyang korona sa lupa. 40 Giniba mo ang lahat ng kaniyang mga pader. Sinira mo ang kaniyang mga tanggulan. 41 Ninakawan siya ng lahat ng dumaan sa kaniya. Siya ay naging kasuklam-suklam sa mga kapitbahay niya. 42 Itinaas mo ang kanang kamay ng mga kaaway niya; pinasaya mo ang lahat ng mga kaaway niya. 43 Binaliktad mo ang dulo ng kaniyang espada at hindi mo siya pinagtatagumpay kapag nasa labanan. 44 Tinapos mo ang kaniyang karangyaan; giniba mo ang kaniyang trono. 45 Pinaikli mo ang araw ng kaniyang kabataan. Binihisan mo siya ng kahihiyan. Selah 46 Hanggang kailan, Yahweh? Itatago mo ba ang iyong sarili, habang buhay? Hanggang kailan maglalagablab ang iyong galit tulad ng apoy? 47 Isipin mo kung gaano na lang kaikli ang oras ko, at ang kawalan ng pakinabang ng lahat ng mga anak ng tao na nilikha mo! 48 Sino ang kayang mabuhay at hindi mamamatay, o sino ang makapagliligtas ng kaniyang buhay mula sa kapangyarihan ng sheol? Selah 49 Panginoon, nasaan na ang dati mong mga gawain ng katapatan sa tipan na pinangako mo kay David sa iyong katotohanan? 50 Alalahanin mo, Panginoon, ang pangungutya sa iyong mga lingkod at kung paano ko kinikimkim sa aking puso ang napakaraming panlalait mula sa mga bansa. 51 Nagbabato ng panlalait ang mga kaaway mo, Yahweh; kinukutya nila ang mga hakbangin ng iyong hinirang. 52 Pagpalain nawa si Yahweh magpakailanman. Amen at Amen.

Chapter 90

Ika-apat na aklat. Isang panalangin ni Moises ang lingkod ng Diyos.

1 Panginoon, ikaw ang aming kublihan sa mga nakalipas na mga salinlahi. 2 Bago nahubog ang mga bundok, o hinubog mo ang lupa at ang mundo, hanggang sa habang panahon, ikaw ay Diyos. 3 Binabalik mo sa alabok ang tao, at sinasabi mo, "Bumalik ka, ikaw na lahi ng tao." 4 Dahil ang isang libong taon ay parang kahapon na lumipas, na tulad ng hudyat sa gabi. 5 Tinatangay mo sila tulad ng baha at nakakatulog sila; sa umaga ay tulad sila ng sumisibol na damo. 6 Sa umaga ito ay namumulaklak at tumutubo; sa gabi ito ay nalalanta at natutuyot. 7 Tunay nga na nilalamon kami ng iyong galit, at sa iyong poot kami ay lubhang natatakot. 8 Nilagay mo ang mga kasalanan namin sa iyong harapan, ang aming mga nakatagong kasalanan sa liwanag ng iyong presensiya. 9 Lumilipas ang aming buhay sa ilalim ng iyong poot; ang aming mga taon ay madaling lumilipas na tulad ng buntong-hininga. 10 Ang aming mga taon ay pitumpu, walumpu kung kami ay malusog; pero kahit na ang aming pinakamainam na taon ay may suliranin at kapighatian. Oo, mabilis itong lumilipas, at tinatangay kami palayo. 11 Sino ang nakakaalam ng tindi ng iyong galit; ang poot mo na katumbas sa takot na dinudulot nito? 12 Kaya turuan mo kaming isaalang-alang ang aming buhay para mamuhay kami ng may karunungan. 13 Bumalik ka, Yahweh! Gaano pa ba katagal? Maawa ka sa iyong mga lingkod. 14 Bigyan mo kami sa umaga ng kasiyahan sa iyong katapatan sa tipan para magsaya kami at magalak sa lahat ng mga araw namin. 15 Hayaan mo kaming magalak katumbas ng mga araw nang sinaktan mo kami at sa mga taon na nakaranas kami ng suliranin. 16 Hayaan mong makita ng iyong mga lingkod ang iyong mga gawa, at hayaang makita ng aming mga anak ang iyong kaluwalhatian. 17 Nawa ang pabor ng Panginoon ay mapasaamin; pasaganahin ang gawa ng aming mga kamay; tunay nga, pasaganahin mo ang gawa ng aming mga kamay.

Chapter 91

1 Siya na nananahan sa kanlungan ng Kataas-taasan ay mananatili sa lilim ng Makapangyarihan sa lahat. 2 Aking sasabihin kay Yahweh, "Siya ang aking kanlungan at aking tanggulan, aking Diyos, na aking pinagkakatiwalaan." 3 Dahil sasagipin ka niya mula sa patibong ng mangangaso at mula sa nakamamatay na salot. 4 Tatakpan ka niya ng kaniyang mga pakpak, at sa ilalim ng kaniyang mga pakpak ay makakatagpo ka ng kanlungan. Ang kanyang pagiging mapagkakatiwalaan ay isang kalasag at proteksyon. 5 Hindi ka matatakot sa kilabot ng gabi, o sa palaso na lumilipad sa araw, 6 o ang salot na gumagala sa kadiliman, o ang sakit na nanggagaling sa katanghalian. 7 Libo ang maaaring mabuwal sa iyong tabi, at sampung libo sa iyong kanang kamay, pero hindi ito makakaabot sa iyo. 8 Mamamasdan mo lamang at makikita ang mga kaparusahan ng masasama. 9 Dahil si Yahweh ang aking kanlungan! Gawin mo ring kanlungan ang Kataas-taasan. 10 Walang kasamaang makakaabot sa iyo; walang paghihirap ang makakalapit sa iyong tahanan. 11 Dahil uutusan niya ang kaniyang mga anghel na protektahan ka, para ingatan ka sa lahat ng iyong mga kaparaanan. 12 Itataas ka nila gamit ang kanilang mga kamay para hindi ka madulas at mahulog sa bato. 13 Dudurugin mo ang mga leon at ulupong sa iyong mga paa; iyong yuyurakan ang mga batang leon at mga ahas. 14 Dahil matapat siya sa akin, ililigtas ko siya. Poproktetahan ko siya dahil matapat siya sa akin. 15 Kapag tumatawag siya sa akin, ako ay tutugon sa kaniya. Makakasama niya ako sa kaguluhan; bibigyan ko siya ng katagumpayan at pararangalan siya. 16 Bibigyan ko siya ng kasiyahan sa mahabang buhay at ipapakita ko sa kaniya ang aking kaligtasan.

Chapter 92

1 Ito ay isang mabuting bagay para magbigay ng pasasalamat kay Yahweh at para umawit ng papuri sa iyong ngalan, Kataas-taasan, 2 para ipahayag ang iyong katapatan sa tipan sa umaga at ang iyong katotohanan tuwing gabi, 3 na may alpa na may sampung kuwerdas at may himig ng lira. 4 Dahil ikaw, Yahweh, ay pinasaya mo ako sa pamamagitan ng iyong mga gawa. Aawit ako sa tuwa dahil sa gawa ng iyong mga kamay. 5 Napakadakila ng iyong mga gawa, Yahweh! Ang iyong kaisipan ay napakalalim. 6 Hindi alam ng malupit na tao, ni maiintindihan ng hangal: 7 Kapag sumisibol ang masasama katulad ng damo, at kahit ang lahat ng gumagawa ng masama ay magtagumpay, mananatili silang nasa tiyak na kapahamakan magpakailanman. 8 Pero ikaw, Yahweh, ay maghahari magpakailanman. 9 Sa katunayan, tingnan mo ang iyong mga kaaway, Yahweh; lahat ng gumagawa ng masama ay nakakalat. 10 Itinaas mo ang aking sungay katulad ng sungay ng mabangis na toro; pinahiran mo ako ng sariwang langis. 11 Nakita ng aking mga mata ang pagkabagsak ng aking mga kaaway; ang aking mga tainga ay narinig ang katapusan ng aking mga masasamang kaaway. 12 Ang mga matutuwid ay yayabong katulad ng puno ng palma; ito ay lalago katulad ng isang sedar sa Lebanon. 13 Sila ay nakatanim sa tahanan ni Yahweh; sila ay yayabong sa patyo ng ating Diyos. 14 Namumunga sila kahit sila ay matanda na; nanatili silang sariwa at luntian, 15 para ihayag na si Yahweh ay makatuwiran. Siya ang aking bato, at walang hindi matuwid sa kaniya.

Chapter 93

1 Si Yahweh ay naghahari; siya ay binabalutan ng kamaharlikahan; si Yahweh ay nakadamit ng kalakasan; sinusuot niya ito na parang isang sinturon. Ang mundo ay matatag na itinayo; hindi ito matitinag. 2 Ang iyong trono ay naitayo mula noong unang panahon; ikaw ay mula sa magpakailanman. 3 Tumataas ang karagatan, Yahweh; kanilang itinaas ang kanilang mga tinig; ang alon ng karagatan ay nagsasalpukan at dumadagundong. 4 Sa ibabaw ng nagsasalpukang mga alon, ang mga makapangyarihang naghahati ng dagat, si Yahweh na kataas-taasan ay makapangyarihan. 5 Ang iyong taos pusong mga kautusan ay tunay na mapagkakatiwalaan; ang iyong kabanalan ang nagpapalamuti ng iyong tahanan, Yahweh, magpakailanman.

Chapter 94

1 Yahweh, ang Diyos na naghihiganti, magliwanag ka sa amin. 2 Bumangon ka, hukom ng mundo, ibigay mo sa mapagmalaki kung ano ang nararapat sa kanila. 3 Yahweh, gaano magtatagal ang kasamaan, gaano magtatagal ang kaligayahan ng masasama? 4 Nagbubuhos sila ng pagmamataas at mapanghamon na mga salita, at nagmamayabang silang lahat. 5 Wawasakin nila ang iyong bayan, Yahweh; sinasaktan nila ang bansa na nabibilang sa iyo. 6 Pinapatay nila ang balo at ang dayuhan, at pinapaslang nila ang mga ulila. 7 Sinasabi nila, "Hindi makikita ni Yahweh, ang Diyos ni Jacob ay hindi mapapansin ito." 8 Unawain ninyo, kayong mangmang; kayong mga hangal, kailan kayo matututo? 9 Siya na lumikha ng tainga, hindi ba niya naririnig? Siyang naghulma ng mata, hindi ba siya nakakakita? 10 Siya na dumidisiplina ng mga bansa, hindi ba niya tinatama? Siya ang nagbigay ng kaalaman sa tao. 11 Alam ni Yahweh ang isipan ng mga tao, na sila ay masama. 12 Pinagpala siya na iyong tinuruan, Yahweh, siya na tinuruan mo mula sa iyong batas. 13 Binigyan mo siya ng kapahingahan sa oras ng kaguluhan hanggang ang isang hukay ang binungkal para sa masasama. 14 Dahil hindi iiwanan ni Yahweh ang kaniyang mga tao o pababayaan ang kanyang pag-aari. 15 Dahil mananaig ang katarungan; at lahat ng matuwid ay susunod. 16 Sino ang babangon para ipagtanggol ako mula sa mga gumagawa ng masama? Sino ang tatayo para sa akin laban sa mga masasama? 17 Maliban na lang kung si Yahweh ang aking naging tulong, sa kalaunan, ako ay hihiga sa lugar ng katahimikan. 18 Nang sinabi ko, "Ang aking paa ay nadudulas," ang iyong katapatan sa tipan, Yahweh, ay itinaas ako. 19 Kapag ang mga alalahanin na nasa akin ay nagbabadya na tabunan ako, ang iyong kaginhawaan ang nagpapasaya sa akin. 20 Kaya ba ng masasamang mga pinuno na makiisa sa iyo, silang mga gumawa ng walang katarungan sa pamamagitan ng alituntunin? 21 Sila ay magkasama na nagsasabwatan para kunin ang buhay ng matuwid at kanilang sinsusumpa sa kamatayan ang walang sala. 22 Pero si Yahweh ang naging matayog kong tore, at ang aking Diyos ang naging bato sa aking kanlungan. 23 Dadalhin niya sa kanila ang kanilang sariling labis na kasalanan at puputulin niya ang sarili nilang kasamaan. Si Yahweh ang ating Diyos ang puputol sa kanila.

Chapter 95

1 O halika, tayo ay umawit kay Yahweh; tayo ay umawit ng may kagalakan para sa bato ng ating kaligtasan. 2 Tayo ay pumasok sa kaniyang presensya ng may pasasalamat; tayo ay umawit sa kaniya ng may salmong papuri. 3 Dahil si Yahweh ay dakilang Diyos at dakilang Hari na nananaig sa lahat ng diyos. 4 Sa kaniyang kamay ay ang kalaliman ng kalupaan; ang katayugan ng bundok ay sa kaniya. 5 Ang dagat ay kaniya, dahil nilikha niya ito, at hinulma ng kaniyang mga kamay ang tuyong lupa. 6 O halika, tayo ay magpuri at yumukod; tayo ay lumuhod sa harapan ni Yahweh, ang ating tagapaglikha: 7 Dahil siya ang ating Diyos, at tayo ang mga tao sa kaniyang pastulan at ang mga tupa ng kaniyang kamay. Ngayon, marinig niyo nawa ang kaniyang tinig! 8 "Huwag niyong patigasin ang inyong puso, tulad sa Meribah, o sa araw ng Masah sa ilang, 9 nang sinubukan ng inyong ninuno na hamunin ang aking kapangyarihan at sinubukan ang aking pasensya, kahit na nakita nila ang aking mga gawa. 10 Sa apatnapung taon ako ay galit sa salinlahi na iyon at sinabi, 'Ito ang mga tao na ang mga puso ay lumihis ng landas; hindi nila alam ang aking mga pamamaraan.' 11 Kaya nga nangako ako sa aking poot na hindi na sila kailanman makakapasok sa aking lugar ng kapahingahan."

Chapter 96

1 O, umawit kay Yahweh ng isang bagong awitin; umawit kay Yahweh, buong daigdig. 2 Umawit kay Yahweh, purihin ang kanyang pangalan; ipahayag ang kanyang kaligtasan araw-araw. 3 Ipahayag ang kanyang kaluwalhatian sa gitna ng mga bansa, ang kanyang kahanga-hangang mga gawa sa gitna ng lahat ng mga bansa. 4 Dahil si Yahweh ay dakila at marapat siyang papurihan ng lubos. Dapat siyang katakutan higit sa lahat ng ibang mga diyos. 5 Dahil lahat ng mga diyos ng mga bansa ay mga diyus-diyosan, pero si Yahweh ang lumikha ng kalangitan. 6 Kaningningan at kamahalan ang nasa kanyang presensiya. Kalakasan at kagandahan ang nasa kanyang santuwaryo. 7 Iukol kay Yahweh, kayong mga angkan ng mga tao, iukol kay Yahweh ang kaluwalhatian at kalakasan. 8 Iukol kay Yahweh ang kaluwalhatiang nararapat sa kanyang pangalan. Magdala ng handog at magsipasok sa kanyang mga silid. 9 Magbigay galang kay Yahweh sa kanyang banal na kaningningan. Manginig kayo sa kanyang harapan, buong daigdig. 10 Sabihin ninyo sa gitna ng mga bansa, si Yahweh ang naghahari. Ang mundo rin ay itinatag; hindi ito mayayanig. Hinahatulan niya ang mga tao nang patas. 11 Hayaang ang kalangitan ay magalak, at ang daigdig ay magdiwang; hayaang ang dagat ay rumagasa at ang mga laman nito ay sumigaw nang may kagalakan. 12 Hayaang magalak ang mga bukirin at lahat ng nasa kanila. Pagkatapos hayaang ang mga puno sa kagubatan sumigaw sa kagalakan 13 sa harapan ni Yahweh, dahil siya ay darating. Siya ay darating para hatulan ang daigdig batay sa katuwiran at ang mga tao batay sa kanyang katapatan.

Chapter 97

1 Naghahari si Yahweh; hayaang magalak ang daigdig; hayaang matuwa ang maraming kapuluan. 2 Pumapalibot sa kanya ang mga ulap at kadiliman. Katuwiran at katarungan ang saligan ng kanyang trono. 3 Ang apoy ang nasa kanyang unahan at tumutupok sa kanyang mga kaaway sa lahat ng dako. 4 Ang kanyang kidlat ang lumiliwanag sa mundo; nakikita ng daigdig at nayayanig. 5 Ang mga bundok ay natutunaw gaya ng kandila sa harapan ni Yahweh, ang Panginoon ng buong daigdig. 6 Ipinapahayag ng kalangitan ang kanyang katarungan, at nakikita ng lahat ng mga bansa ang kanyang kaluwalhatian. 7 Ang lahat ng sumasamba sa mga inukit na bagay ay mapapahiya, ang mga nagyayabang sa mga walang katuturang mga diyos-diyosan-- yumukod kayo sa kanya, kayong lahat na mga diyos! 8 Narinig ng Sion at natuwa, at ang mga bayan ng Juda ay nagalak dahil sa iyong matuwid na mga kautusan, Yahweh. 9 Dahil ikaw, Yahweh, ay kataas-taasan sa buong daigdig. Ikaw ay dinadakila higit sa lahat ng mga diyos. 10 Kayong mga nagmamahal kay Yahweh, kamuhian ninyo ang masama! Ipinagtatanggol niya ang buhay ng kanyang mga banal at inililigtas niya sila sa kamay ng mga masasama. 11 Ang liwanag ay itinatanim para sa mga matuwid at katuwaan para sa mga may matapat na puso. 12 Magalak kay Yahweh, kayong matutuwid; at magbigay ng pasasalamat sa kanyang banal na pangalan.

Chapter 98

1 O, umawit kay Yahweh ng bagong awitin, dahil gumawa siya ng mga kahanga-hangang mga bagay; ang kanyang kanang kamay at ang kanyang banal na bisig, ay nagbibigay sa atin ng tagumpay. 2 Inihayag ni Yahweh ang kanyang kaligtasan; hayagan niyang ipinakita ang kanyang katarungan sa lahat ng mga bansa. 3 Inaalala niya ang kaniyang tipan ng kagandahang loob at katapatan para sa sambahayan ng Israel; lahat ng mga hangganan ng daigdig ay makikita ang katagumpayan ng ating Diyos. 4 Sumigaw kay Yahweh ng may kagalakan, buong daigdig; isambulat sa awit at umawit ng may kagalakan, umawit ng mga papuri. 5 Umawit kay Yahweh ng mga papuri sa pamamagitan ng alpa, sa pamamagitan ng alpa at malambing na awit. 6 Sa pamamagitan ng mga trumpeta at mga tunog ng tambuli, mag-ingay kayo na may kagalakan sa harapan ng Hari, si Yahweh. 7 Hayaang sumigaw ang dagat at ang lahat ng bagay sa loob nito, ang buong mundo at ang mga naninirahan dito. 8 Hayaan ang mga ilog na ipalakpak ang kanilang mga kamay at hayaan ang mga bundok na sumigaw sa kagalakan. 9 Darating si Yahweh para hatulan ang daigdig. Hahatulan niya ang mundo nang may katuwiran at ang mga bansa nang patas.

Chapter 99

1 Naghahari si Yahweh; hayaang manginig ang mga bansa. Siya ay nakaluklok sa itaas ng mga kerubin; ang daigdig ay yumayanig. 2 Si Yahweh ay dakila sa Sion; itinataas siya sa lahat ng mga bansa. 3 Hayaan mong purihin nila ang iyong dakila at kahanga-hangang pangalan; siya ay banal. 4 Ang hari ay malakas, at minamahal niya ang katarungan. Itinatag mo ang pagkakapantay-pantay; nilikha mo ang makatarungang pamamahala kay Jacob. 5 Purihin si Yahweh ang ating Diyos at sambahin siya sa kanyang tuntungan. Siya ay banal. 6 Sina Moises at Aaron ay kabilang sa kanyang mga pari, at si Samuel ay kabilang sa mga nanalangin sa kanya. Nanalangin sila kay Yahweh, at sinagot niya sila. 7 Kinausap niya sila mula sa haliging ulap. Iningatan nila ang kanyang tapat na mga kautusan at mga batas na ibinigay sa kanila. 8 Sinagot mo sila, Yahweh na aming Diyos. Ikaw ang Diyos na nagpatawad sa kanila, kahit na pinarusahan mo ang kanilang mga kasalanan. 9 Purihin si Yahweh ang ating Diyos, at sambahin siya sa kanyang banal na burol, dahil si Yahweh ang ating Diyos na banal.

Chapter 100

1 Sumigaw na may kagalakan kay Yahweh, buong daigdig. 2 Maglingkod kay Yahweh ng may kasiyahan; magsilapit sa kanyang presensiya na umaawit nang may kagalakan. 3 Kilalalanin ninyo na si Yahweh ay Diyos; siya ang gumawa sa atin, at tayo ay sa kanya. Tayo ang kanyang bayan at mga tupa sa kanyang pastulan. 4 Magsipasok kayo sa loob ng kanyang mga tarangkahan na may pagpapasalamat at sa loob ng kanyang mga silid na may pagpupuri. Pasalamatan at purihin ang kanyang pangalan. 5 Dahil si Yahweh ay mabuti; ang kanyang katapatan sa tipan ay mananatili magpakailanman at ang kanyang pagiging totoo ay magpapatuloy sa lahat ng mga salinlahi.

Chapter 101

1 Aawit ako tungkol sa katapatan sa tipan at katarungan; sa iyo, Yahweh, ako ay aawit ng mga papuri. 2 Lalakad ako sa daan ng katapatan. O, kailan ka lalapit sa akin? Lalakad ako ng may katapatan sa loob ng aking tahanan. 3 Hindi ako gagawa ng mga pagkakamali sa harapan ng aking mga mata; nasusuklam ako sa walang katuturang kasamaan. Hindi ito kakapit sa akin. 4 Iiwanan ako ng mga taong matigas ang ulo; hindi ako tapat sa kasamaan. 5 Lilipulin ko ang sinumang lihim na naninirang puri sa kanyang kapwa. Hindi ko papayagan ang sinumang may mapagmataas at aroganteng pag-uugali. 6 Babantayan ko ang mga tapat sa kalupaan na uupo sa aking gilid. Ang mga taong lumalakad na may katapatan ay makakapaglingkod sa akin. 7 Ang mga mandarayang tao ay hindi mananatili sa loob ng aking tahanan; ang mga sinungaling ay hindi malugod na tatanggapin sa aking harapan. 8 Sa bawat umaga ay wawasakin ko ang mga masasama mula sa lupain. Aalisin ko ang lahat ng masamang tao mula sa lungsod ni Yahweh.

Chapter 102

1 Dinggin mo ang aking panalangin, Yahweh; dinggin mo ang aking pag-iyak sa iyo. 2 Huwag mong itago ang iyong mukha mula akin sa oras ng aking kaguluhan. Makinig ka sa akin. Kapag ako ay nanawagan sa iyo, agad mo akong sagutin. 3 Dahil lumilipas na parang usok ang aking mga araw, at nasusunog ang aking mga buto tulad ng apoy. 4 Nadudurog ang aking puso, at tulad ako ng damo na natutuyo. Nalilimutan kong kumain ng anumang pagkain. 5 Sa patuloy kong pagdaing, labis akong pumayat. 6 Tulad ako ng isang pelikano sa kaparangan; ako ay naging tulad ng isang kwago sa wasak na lugar. 7 Gising akong nakahiga na parang isang malungkot na ibon, nag-iisa sa bubungan. 8 Buong araw akong tinutuya ng aking mga kaaway; ginagamit ang aking pangalan sa mga pagsumpa ng mga nanlilibak sa akin. 9 Kumakain ako ng abo tulad ng tinapay at hinahaluan ng mga luha ang aking inumin. 10 Dahil sa iyong matinding galit, binuhat mo ako para ibagsak. 11 Ang aking mga araw ay tulad ng isang anino na unti-unting nawawala, at natutuyo ako tulad ng damo. 12 Pero ikaw, Yahweh, ay nabubuhay magpakailanman, at ang katanyagan mo ay para sa lahat ng mga salinlahi. 13 Babangon ka at maaawa sa Sion. Panahon na ngayon para kaawaan siya; dumating na ang takdang oras. 14 Dahil minamahal ng iyong mga lingkod ang kanyang mga bato at nahahabag sa alikabok ng kanyang pagkawasak. 15 Igagalang ng mga bansa ang iyong pangalan, Yahweh, at pararangalan ng lahat ng mga hari sa daigdig ang iyong kaluwalhatian. 16 Muling itatayo ni Yahweh ang Sion at makikita sa kanyang kaluwalhatian. 17 Sa oras na iyon, tutugon siya sa panalangin ng dukha; hindi niya tatanggihan ang kanilang panalangin. 18 Ito ay masusulat para sa mga darating na salinlahi, at pupurihin si Yahweh ng isang bayan na hindi pa ipinapanganak. 19 Dahil tumingin siya pababa mula sa kanyang banal na kaitaasan; mula sa langit tiningnan ni Yahweh ang daigdig, 20 para dinggin ang pagdaing ng mga bilanggo, para palayain ang mga nahatulan ng kamatayan. 21 Pagkatapos ihahayag ng mga tao ang pangalan ni Yahweh sa Sion at ang kanyang papuri sa Jerusalem 22 sa panahon na ang mga tao at mga kaharian ay magtitipon para paglingkuran si Yahweh. 23 Inalis niya ang aking kalakasan sa kalagitnaan ng aking buhay. Pinaikli niya ang aking mga araw. 24 Sinabi ko, "Aking Diyos, huwag mo akong kunin sa kalagitnaan ng aking buhay; naririto ka sa lahat ng mga salinlahi. 25 Nang mga sinaunang panahon inilagay mo sa lugar ang daigdig; ang kalangitan ay gawa ng iyong mga kamay. 26 Mawawala sila, pero mananatili ka; tatanda silang lahat tulad ng isang damit; tulad ng pananamit, huhubarin mo sila, at maglalaho sila. 27 Pero wala kang pagbabago, at ang mga taon mo ay hindi magwawakas. 28 Patuloy na mabubuhay ang mga anak ng iyong mga lingkod, at ang kanilang mga kaapu-apuhan ay mabubuhay sa iyong presensya.

Chapter 103

1 Binibigyang papuri ko si Yahweh ng buong buhay ko, at ng lahat ng mayroon ako, binibigyang papuri ko ang kanyang banal na pangalan. 2 Binibigyang papuri ko si Yahweh ng buong buhay ko, at naaalala ko ang lahat ng kanyang mga mabubuting gawa. 3 Pinapatawad niya lahat ng inyong mga kasalanan; pinapagaling niya lahat ng inyong mga sakit. 4 Tinutubos niya ang inyong buhay mula sa pagkawasak; kinokoronahan niya kayo ng kanyang katapatan sa tipan at mga gawain ng pagkahabag. 5 Binibigyang kasiyahan niya ang inyong buhay ng mabubuting bagay para mapanumbalik ang inyong kabataan tulad ng agila. 6 Ginagawa ni Yahweh kung ano ang makatarungan at gumagawa ng mga gawain ng katarungan para sa lahat ng mga naaapi. 7 Ipinaalam niya ang kanyang mga pamamaraan kay Moises, ang kanyang mga gawa sa mga kaapu-apuhan ng Israel. 8 Si Yahweh ay maawain at mapagbigay-loob; siya ay mapagpaumanhin; mayroon siyang labis na katapatan sa tipan. 9 Hindi siya laging magdidisiplina; hindi siya laging nagagalit. 10 Hindi niya tayo tinatrato ayon sa nararapat sa ating mga kasalanan o ginagantihan ayon sa kung ano ang hinihingi ng ating mga kasalanan. 11 Dahil kung gaano kataas ang kalangitan sa ibabaw ng daigdig, ganoon kadakila ang kanyang katapatan sa tipan sa mga nagbibigay ng parangal sa kanya. 12 Kung gaano kalayo ang silangan mula sa kanluran, ganoon kalayo niya inalis mula sa atin ang ating mga kasalanan. 13 Kung paanong may pagkahabag ang isang ama sa kanyang mga anak, gayundin pagkahabag ni Yahweh sa mga nagbibigay ng parangal sa kanya. 14 Dahil alam niya kung paano tayo binuo; alam niya na tayo ay alabok. 15 Pero ang tao, parang damo ang kanyang mga araw; lumalago siya tulad ng isang bulaklak sa isang bukid. 16 Hinihipan ito ng hangin, at ito ay naglalaho, at wala man lamang makapagsabi kung saan ito minsang tumubo. 17 Pero ang katapatan sa tipan ni Yahweh ay magpasawalang-hanggan sa mga nagbibigay parangal sa kanya. Ang kanyang katuwiran ay umaabot sa kanilang mga kaapu-apuhan. 18 Iniingatan nila ang kanyang tipan at tinatandaang sumunod sa kanyang mga tagubilin. 19 Itinatag ni Yahweh ang kanyang trono sa mga kalangitan, at pinamamahalaan ang bawat isa ng kanyang kaharian. 20 Bigyang papuri si Yahweh kayong mga anghel na napakalakas at sumusunod sa kanyang salita, na masunurin sa kanyang mga kautusan. 21 Bigyang papuri si Yahweh lahat ng kanyang hukbo ng mga anghel, kayo ay kanyang mga lingkod na nagsasagawa ng kanyang kalooban. 22 Bigyang papuri si Yahweh lahat ng kanyang mga nilalang, sa lahat ng mga lugar kung saan siya naghahari. Pupurihin ko si Yahweh nang buong buhay ko.

Chapter 104

1 Pupurihin ko si Yahweh nang buong buhay ko, Yahweh aking Diyos, lubhang kahanga-hanga ka; dinadamitan ka ng kaningningan at kamahalan. 2 Nilulukuban mo ang iyong sarili ng liwanag gaya ng isang damit; inilalatag mo ang kalangitan na parang isang kurtina ng tolda. 3 Nilalagay mo ang mga biga ng iyong mga silid sa ibabaw ng mga ulap; ginagawa mong sariling karwahe ang mga ulap; lumalakad ka sa ibabaw ng mga pakpak ng hangin. 4 Ginagawa niyang mensahero niya ang mga hangin, mga liyab ng apoy ay kanyang mga lingkod. 5 Inilagay niya ang mga pundasyon ng daigdig, at hindi ito kailanman matitinag. 6 Binalot mo ang daigdig ng tubig tulad ng isang damit; binalot ng tubig ang mga bundok. 7 Ang pagsusuway mo ang nagpaurong ng mga tubig; sa tunog ng iyong dumadagundong na tinig, sila ay lumayo. 8 Lumitaw ang mga bundok, lumatag ang mga lambak sa mga lugar na itinalaga mo sa kanila. 9 Nagtakda ka ng isang hangganan para sa kanila na hindi nila tatawirin; hindi na nila muling babalutin ang daigdig. 10 Pinadaloy niya ang mga bukal sa mga lambak; Dumadaloy ang mga batis sa pagitan ng mga bundok. 11 Nagdadala sila ng tubig para sa lahat ng mga hayop sa bukid; napapawi ang pagkauhaw ng mga maiilap na asno. 12 Sa may tabing-ilog, ginagawa ng mga ibon ang kanilang mga pugad; umaawit sila sa mga sanga. 13 Dinidiligan niya ang mga bundok mula sa kanyang mga silid ng tubig sa kalangitan. Napupuno ang daigdig ng bunga ng kanyang mga gawain. 14 Pinapatubo niya ang damo para sa mga baka at mga halaman para linangin ng tao nang sa gayon ay makapag-ani ang tao ng pagkain mula sa lupa. 15 Gumagawa siya ng alak para pasayahin ang tao, langis para magliwanag ang kanyang mukha, at pagkain para magpatuloy ang kanyang buhay. 16 Nadidiligan nang mabuti ang mga puno ni Yahweh; itinanim niya ang mga sedar ng Lebanon. 17 Doon ginagawa ng mga ibon ang kanilang mga pugad. Ginagawang tahanan ng tagak ang puno ng pir. 18 Naninirahan sa matataas na bundok ang mababangis na kambing; ang kaitaasan ng bundok ay isang kanlungan para sa mga kuneho. 19 Itinalaga niya ang buwan bilang tanda ng mga panahon; alam ng araw ang oras ng kanyang paglubog. 20 Ginawa mo ang kadiliman ng gabi kung kailan lahat ng mga hayop sa gubat ay lumalabas. 21 Umuungol ang mga batang leon para sa kanilang huli at naghahanap sila ng pagkain mula sa Diyos. 22 Sa pagsikat ng araw, bumabalik at natutulog sila sa kanilang mga lungga. 23 Samantala, nagtatrabaho ang mga tao at gumagawa hanggang gabi. 24 Yahweh, kayrami at iba't iba ang iyong mga gawa! Ginawa mo ang lahat ng mga iyon nang may karunungan; umaapaw ang daigdig sa mga gawa mo. 25 Banda roon ay ang dagat, malalim at malawak, punong-puno ng hindi mabilang na mga nilalang, kapwa maliit at malaki. 26 Naglalakbay doon ang mga barko, at naroroon din si Leviatan, na hinubog mo para maglaro sa dagat. 27 Ang lahat ng mga ito ay tumitingin sa iyo para bigyan sila ng pagkain sa tamang oras. 28 Kapag nagbibigay ka sa kanila, sila ay nagtitipon; kapag binubuksan mo ang iyong palad, sila ay nasisiyahan. 29 Kapag itinatago mo ang iyong mukha, sila ay nababagabag; kapag nilalagot mo ang kanilang hininga, sila ay namamatay at nauuwi sa alabok. 30 Kapag ipinapadala mo ang iyong Espiritu, sila ay nalilikha, at pinapanumbalik mo ang kanayunan. 31 Nawa manatili magpakailanman ang kaluwalhatian ni Yahweh; masiyahan nawa si Yahweh sa kanyang nilikha. 32 Pinagmamasdan niya ang daigdig, at ito ay nayayanig; hinahawakan niya ang kabundukan, at ang mga iyon ay umuusok. 33 Aawit ako kay Yahweh ng buong buhay ko; aawit ako ng papuri sa aking Diyos habang ako ay nabubuhay. 34 Nawa maging matamis ang aking mga isipan sa kanya; magagalak ako kay Yahweh. 35 Mawala nawa ang mga makasalanan mula sa daigdig, at ang mga masasama ay maglaho. Nagbibigay ako ng papuri kay Yahweh ng buong buhay ko. Purihin si Yahweh.

Chapter 105

1 Magpasalamat kayo kay Yahweh, tumawag kayo sa kaniyang pangalan; ipaalam ninyo ang kaniyang mga gawa sa mga bansa. 2 Umawit sa kaniya, umawit sa kaniya ng mga papuri; Ipahayag ang lahat ng kaniyang mga kamangha-manghang gawa. 3 Magmalaki sa kaniyang banal na pangalan; hayaang magalak ang puso nilang naghahanap kay Yahweh. 4 Hanapin si Yahweh at ang kaniyang kalakasan; patuloy na hanapin ang kaniyang presensya. 5 Alalahanin ang mga kahanga-hangang bagay na kaniyang ginawa, ang kaniyang mga himala at ang mga kautusan mula sa kaniyang bibig, 6 kayong mga kaapu-apuhan ni Abraham na kaniyang lingkod, kayong mga anak ni Jacob, na kaniyang mga pinili. 7 Siya si Yahweh, ang ating Diyos. Ang kaniyang mga kautusan ay sumasaklaw sa buong mundo. 8 Inaalala niya ang kaniyang tipan magpakailanman, ang salita na kaniyang iniutos sa sanlibong salinlahi. 9 Iniisip niya ang tipan na kaniyang ginawa kasama ni Abraham at ang kaniyang panunumpa kay Isaac. 10 Ito ay kung ano ang pinagtibay kay Jacob na alituntunin at sa Israel na magpasawalang-hanggang tipan. 11 Sinabi niya, "Ibibigay ko ang lupain ng Canaan bilang bahagi ng iyong mana." 12 Sinabi niya ito noong kaunti pa lamang ang bilang nila, labis na kaunti, at mga dayuhan pa sa lupain. 13 Galing sila mula sa isang bansa tungo sa ibang bansa at mula sa isang kaharian patungo sa isa pa. 14 Hindi niya ipinahintulutang apihin sila ng sinuman; kaniyang sinuway ang mga hari dahil sa kanilang kapakanan. 15 Sinabi niya, "Huwag ninyong galawin ang mga hinirang, at huwag ninyong gawan ng masama ang aking mga propeta." 16 Nagdala siya ng taggutom sa lupa; pinutol niya ang lahat ng pinagkukunan ng tinapay. 17 Pinauna niya ang isang lalaki sa kanila; ipinagbili si Jose bilang isang alipin. 18 Ginapos ang kaniyang mga paa ng kadena; mga bakal na kadena ang itinali sa kaniya. 19 hanggang sa panahon na ang kaniyang hula ay nagkatotoo. Pinatunayan ng salita ni Yahweh na siya ay matuwid. 20 Nagpadala ang hari ng mga lingkod para pakawalan siya; pinalaya siya ng pinuno ng mga tao. 21 Siya ay itinalagang mamahala sa kaniyang bahay bilang pinuno ng lahat ng kaniyang mga ari-arian 22 para pangunahan ang kaniyang mga prinsipe ayon sa kaniyang hiling at para turuan ang mga nakatatanda ng karunungan. 23 Pagkatapos, dumating ang Israel sa Ehipto, at si Jacob ay nanirahan ng matagal sa lupain ng Ham. 24 Pinarami ng Diyos ang kaniyang bayan at ginawa niyang mas marami kaysa sa kanilang mga kalaban. 25 Siya ang nagdulot sa kanilang mga kaaway na kapootan ang kaniyang bayan, para abusuhin ang kaniyang mga lingkod. 26 Pinadala niya si Moises, ang kaniyang lingkod, at si Aaron, na kaniyang pinili. 27 Isinagawa nila ang kaniyang mga himala sa mga taga-Ehipto, ang kaniyang mga kababalaghan sa lupain ng Ham. 28 Nagpadala siya ng kadiliman at pinadilim ang lupain, pero hindi sumunod sa kaniyang mga utos ang mga tao rito. 29 Ginawa niyang dugo ang tubig at pinatay ang kanilang mga isda. 30 Ang kanilang lupain ay napuno ng mga palaka, kahit sa mga silid ng kanilang mga pinuno. 31 Nagsalita siya, at dumating ang mga pulutong ng langaw at niknik sa buong bansa nila. 32 Nagpadala siya ng yelo at ulan na may kasamang kidlat at kulog sa kanilang lupain. 33 Winasak niya ang kanilang ubasan at mga puno ng igos; at binali niya ang mga puno sa kanilang bansa. 34 Nagsalita siya, at dumating ang mga balang, napakaraming mga balang. 35 Kinain ng mga balang ang lahat ng gulayan sa kanilang lupain; at kinain nila ang lahat ng mga pananim sa lupa. 36 Pinatay niya ang lahat ng panganay sa kanilang lupain, ang mga unang bunga ng lahat ng kanilang kalakasan. 37 Inilabas niya ang mga Israelita na may dalang pilak at ginto; walang sinuman sa kaniyang angkan ang natisod sa daan. 38 Natuwa ang Ehipto nang sila ay umalis, dahil takot sa kanila ang mga taga-Ehipto. 39 Ikinalat niya ang ulap para maging takip at gumawa ng apoy para magbigay liwanag sa gabi. 40 Humingi ng pagkain ang mga Israelita, at nagdala siya ng mga pugo at binusog sila ng tinapay mula sa langit. 41 Biniyak niya ang malaking bato, at bumulwak ang tubig mula rito; umagos ito sa ilang tulad ng ilog. 42 Dahil inaalala niya ang kaniyang banal na pangako na kaniyang ginawa kay Abraham na kaniyang lingkod. 43 Inilabas niya ang kaniyang bayan na may kagalakan, ang kaniyang pinili na may sigaw ng katagumpayan. 44 Ibinigay niya sa kanila ang mga lupain ng mga bansa; inangkin nila ang mga kayamanan ng mga tao 45 nang sa gayon ay mapanatili nila ang kaniyang mga alituntunin at sundin ang kaniyang mga kautusan. Purihin si Yahweh.

Chapter 106

1 Purihin si Yahweh. Magpasalamat kay Yahweh, dahil siya ay mabuti, dahil ang kaniyang katapatan sa tipan ay mananatili magpakailanman. 2 Sinong makapagsasalaysay ng mga makapangyarihang gawa ni Yahweh o makapagpapahayag sa lahat ng kaniyang mga kapuri-puring gawa nang buong-buo? 3 Mapalad silang gumagawa ng tama, at laging makatuwiran ang mga gawa. 4 Alalahanin mo ako, Yahweh, noong nagpakita ka ng kabutihang-loob sa iyong bayan; tulungan mo ako kapag iniligtas mo sila. 5 Pagkatapos, makikita ko ang kasaganahan ng iyong hinirang, nagdiriwang ng may katuwaan ang iyong bansa, at kaluwalhatian sa iyong mana. 6 Nagkasala kami tulad ng aming mga ninuno; nakagawa kami ng mali, at nakagawa kami ng kasamaan. 7 Ang aming ama ay hindi pinahalagahan ang iyong kamangha-manghang mga gawa sa Ehipto; hindi nila pinansin ang karamihan sa iyong mga ginawa sa katapatan sa tipan; sila ay rebelde sa dagat, sa Dagat ng Tambo. 8 Gayumpaman, iniligtas niya tayo para sa kapakanan ng kaniyang pangalan para maihayag ang kaniyang kapangyarihan. 9 Sinuway niya ang Dagat na Tambo, at natuyo ito. Pagkatapos pinatnubayan niya sila sa mga kalaliman, gaya ng sa ilang. 10 Iniligtas niya sila mula sa kamay ng mga napopoot sa kanila, at iniligtas niya sila mula sa kapangyarihan ng kaaway. 11 Pero tinabunan ng tubig ang kanilang mga kalaban; walang nakaligtas sa kanila ni isa. 12 Pagkatapos, naniwala sila sa kaniyang mga salita, at inawit nila ang kaniyang papuri. 13 Pero mabilis nilang kinalimutan ang kaniyang mga ginawa; hindi nila hinintay ang mga tagubilin niya. 14 Mayroon silang masidhing paghahangad sa ilang, at sinubok nila ang Diyos sa disyerto. 15 Binigay niya sa kanila ang kanilang hiling, pero nagpadala siya ng karamdaman na sumisira sa kanilang mga katawan. 16 Sa kampo, nagselos sila kay Moises at Aaron, ang banal na pari ni Yahweh. 17 Bumuka ang lupa at nilamon si Dathan at tinakpan ang mga tagasunod ni Abiram. 18 Nagningas ang apoy sa kanilang kalagitnaan; sinunog ng apoy ang mga masasama. 19 Gumawa sila ng guya sa Horeb at sumamba sa larawang metal. 20 Ipinagpalit nila ang kaluwalhatian ng Diyos para sa larawan ng isang toro na kumakain ng damo. 21 Nilimot nila ang Diyos na kanilang tagapagligtas, ang gumawa ng mga dakilang gawa sa Ehipto. 22 Gumawa siya ng mga kahanga-hangang bagay sa lupain ng Ham at makapangyarihang gawa sa Dagat ng Tambo. 23 Ipag-uutos niya ang kanilang pagkalipol, kung hindi si Moises, na kaniyang hinirang, ay namagitan sa kaniya sa puwang para pawiin ang kaniyang galit mula sa pagkakalipol nila. 24 Hinamak nila ang masaganang lupain; hindi sila naniniwala sa kaniyang pangako, 25 pero nagrereklamo sila sa loob ng kanilang mga tolda, at hindi sila sumunod kay Yahweh. 26 Kaya itinaas niya ang kaniyang kamay at sumumpa sa kanila na hindi niya hahayaang mamatay sila sa disyerto, 27 ikakalat ang mga kaapu-apuhan sa mga bansa, at ikakalat sila sa lupain ng mga dayuhan. 28 Sumamba sila kay Baal sa Peor at kinain ang mga alay na handog sa mga patay. 29 Siya ay inuudyukan nila sa kanilang mga gawa, at ang salot ay kumalat sa kanila. 30 Pagkatapos tumayo si Pinehas para mamagitan, at ang salot ay tumigil. 31 Ibinilang ito sa kaniya na isang matuwid na gawa sa lahat ng salinlahi magpakailanman. 32 Ginalit nila si Yahweh sa katubigan ng Meriba, at nagdusa si Moises dahil sa kanila. 33 Pinasama nila ang loob ni Moises, at nagsalita siya ng masakit. 34 Hindi nila nilipol ang mga bansa gaya ng iniutos ni Yahweh sa kanila, 35 pero nakisalamuha sila sa mga bansa at ginaya ang kanilang mga pamamaraan 36 at sinamba ang kanilang mga diyus-diyosan, na naging patibong sa kanila. 37 Inalay nila ang kanilang mga anak na lalaki at babae sa mga demonyo. 38 Dumanak ang dugo ng mga walang kasalanan, ang dugo ng kanilang mga anak na lalaki at babae, na kanilang inalay sa diyus-diyosan ng Canaan, at nilapastangan nila ang lupain sa pagdanak ng dugo. 39 Nadungisan sila dahil sa kanilang mga gawa; sa kanilang mga kilos, katulad sila ng mga babaeng bayaran. 40 Kaya nagalit si Yahweh sa kaniyang bayan, at hinamak niya ang kaniyang sariling bayan. 41 Ibinigay niya sila sa kamay ng mga bansa, at pinamunuan sila ng mga napopoot sa kanila. 42 Inapi sila ng kanilang mga kaaway, at sila ay pinasakop sa kanilang kapangyarihan. 43 Maraming beses, pumunta siya para tulungan sila, pero nanatili silang naghihimagsik at ibinaba sila dahil sa sarili nilang kasalanan. 44 Gayumpaman, binigyan niya ng pansin ang kanilang kahirapan nang narinig niya ang kanilang daing para sa tulong. 45 Inalala niya ang kaniyang pangako at nahabag dahil sa kaniyang katapatan sa tipan. 46 Dinulot niya na maawa sa kanila ang lahat ng kanilang mga mananakop. 47 Iligtas mo kami, Yahweh, aming Diyos. Tipunin mo kami mula sa mga bansa para magbigay kami ng pasasalamat sa iyong banal na pangalan at luwalhati sa iyong mga papuri. 48 Si Yahweh nawa, ang Diyos ng Israel, ay purihin mula sa lahat ng panahon. Ang lahat ng tao ay sumagot ng, "Amen." Purihin si Yahweh. Ikalimang Aklat

Chapter 107

1 Magpasalamat kay Yahweh, dahil sa kaniyang kabutihan at ang kaniyang katapatan sa tipan ay mananatili magpakailanman. 2 Hayaang magsalita ang mga tinubos ni Yahweh, ang kaniyang mga sinagip mula sa kapangyarihan ng kaaway. 3 Tinipon niya sila mula sa ibang mga lupain ng dayuhan, mula sa silangan at kanluran, mula sa hilaga at mula sa timog. 4 Naligaw sila sa ilang sa disyertong daan at walang lungsod na natagpuan para matirhan. 5 Dahil gutom at uhaw sila, nanghina sila sa kapaguran. 6 Pagkatapos tumawag sila kay Yahweh sa kanilang pagkabalisa, at sinagip niya sila mula sa kagipitan. 7 Pinangunahan niya sila sa tuwid na landas para mapunta sila sa lungsod para manirahan. 8 O papupurihan si Yahweh ng mga tao dahil sa kaniyang katapatan sa tipan at para sa mga kamangha-manghang bagay na kaniyang ginawa sa sangkatauhan! 9 Dahil panapawi niya ang pananabik nilang mga nauuhaw, at ang mga pagnanasa nilang mga gutom ay kaniyang pinupuno ng magagandang bagay. 10 Naupo ang ilan sa kadiliman at sa lumbay, mga bilanggo sa kalungkutan at pagkagapos. 11 Dahil nagrebelde sila laban sa salita ng Diyos at tinanggihan ang tagubilin ng nasa Kataas-taasan. 12 Ibinaba niya ang kanilang mga puso sa paghihirap; Natisod sila at wala ni isa ang tumulong sa kanila. 13 Kaya tumawag sila kay Yahweh sa kanilang problema at inalis niya sila mula sa kanilang kagipitan. 14 Inalis niya sila mula sa kadiliman at lumbay at nilagot ang kanilang pagkakatali. 15 Magpupuri ang mga taong iyon kay Yahweh dahil sa kaniyang katapatan sa tipan at para sa mga kamangha-manghang bagay na kaniyang ginawa sa sangkatauhan! 16 Dahil winasak niya ang mga tarangkahan na tanso at pinutol ang mga bakal na rehas. 17 Hangal sila sa kanilang suwail na mga pamamaraan at naghihirap dahil sa kanilang mga kasalanan. 18 Nawalan sila ng pagnanais na kumain ng kahit na anong pagkain at napalapit sila sa mga tarangkahan ng kamatayan. 19 Kaya sila ay tumawag kay Yahweh sa kanilang problema at inalis niya sila mula sa kagipitan. 20 Ipinadala niya ang kaniyang salita at pinagaling sila, at sinagip niya sila mula sa kanilang pagkawasak. 21 Papupurihan nang mga taong iyon si Yahweh dahil sa kaniyang katapatan sa tipan at dahil sa mga kamangha-manghang bagay na kaniyang ginawa para sa sangkatauhan! 22 Hayaan mo silang maghandog ng pasasalamat at magpahayag ng kaniyang mga ginawa sa pag-aawitan. 23 Naglakbay ang iba sa dagat sa barko at nagnegosyo sa ibang bansa. 24 Nakita nila ang mga gawa ni Yahweh at kaniyang kababalaghan sa mga dagat. 25 Dahil ipinag-utos niya at ginising ang hangin ng bagyo na nagpaalon sa karagatan. 26 Umabot ito sa himpapawid; bumaba sila sa pinakamalalim na lugar. Ang kanilang mga buhay ay nalusaw ng pagkabalisa. 27 Nayanig sila at sumuray-suray tulad ng mga lasinggero at sila ay nasa dulo ng kanilang diwa. 28 At tumawag sila kay Yahweh sa kanilang problema at inalis niya sila sa kanilang pagkabalisa. 29 Pinayapa niya ang bagyo at pinatahimik ang mga alon. 30 Nagdiwang sila dahil kumalma ang dagat at dinala niya sila sa nais nilang daungan. 31 Nawa papupurihan ng mga taong iyon si Yahweh dahil sa kaniyang katapatan sa tipan at dahil sa mga kamangha-manghang bagay na kaniyang ginawa para sa sangkatauhan! 32 Hayaan silang dakilain siya sa pagtitipon ng mga tao at papurihan siya sa samahan ng mga nakatatanda. 33 Ginagawa niyang ilang ang mga ilog, tuyong lupa ang mga bukal na tubig, 34 at tigang na lupa ang matabang lupa dahil sa kasamaan ng mga tao rito. 35 Ginagawa niyang paliguan ang ilang at mga bukal na tubig ang tuyong lupa. 36 Doon pinapatira niya ang nagugutom at sila ay nagtayo ng isang lungsod para tirahan. 37 Gumagawa sila ng isang lungsod para maglagay ng bukirin para taniman ng ubasan, at para mamunga ito ng masaganang ani. 38 Pinagpala niya sila para maging napakarami. Hindi niya hinayaan ang kanilang mga baka na mabawasan ng bilang. 39 Nawala sila at ibinaba sa pamamagitan ng kagipitan at paghihirap. 40 Nagbuhos siya ng galit sa mga pinuno at nagdulot sa kanila na maligaw sa ilang, kung saan walang mga daan. 41 Pero iniingatan niya ang nangangailangan mula sa sakit at inilagaan ang kaniyang mga pamilya tulad ng isang kawan. 42 Makikita ito ng matuwid at magdiriwang at mananahimik ang kasamaan. 43 Dapat tandaan ng sinuman ang mga bagay na ito at magnilay-nilay sa tipan na pagkilos ni Yahweh.

Chapter 108

1 Nakatuon ang aking puso, O Diyos; aawit ako, oo, aawit ako ng mga papuri kasama ng aking naparangalang puso. 2 Gising, lira at alpa; gigisingin ko ang madaling araw. 3 Magbibigay ako ng pasasalamat sa iyo, Yawheh, sa gitna ng mamamayan; aawit ako ng mga papuri sa iyo sa mga bansa. 4 Dahil ang iyong katapatan sa tipan ay dakila sa ibabaw ng kalangitan; at ang iyong pagiging mapagkakatiwalaan ay umaabot sa himpapawid. 5 Itanghal ka, O Diyos, sa ibabaw ng kalangitan, at nawa ang iyong kaluwalhatian ay maparangalan sa buong mundo. 6 Para ang iyong mga minahal ay maligtas, sagipin mo kami ng iyong kanang kamay at sagutin kami. 7 Nagsalita ang Diyos sa kaniyang kabanalan; "Magdiriwang ako; hahatiin ko ang Shekem at hahatiin ang lambak ng Sucot. 8 Akin ang Gilead, at akin ang Manases; akin rin ang salakot ang Efraim; ang Juda ang aking setro. 9 Ang Moab ang aking palanggana; sa Edom itatapon ko ang aking sapatos; sisigaw ako sa pagtatagumpay dahil sa Filistia. 10 Sino ang magdadala sa akin sa matatag na bayan? Sino ang papatnubay sa akin sa Edom?" 11 O Diyos, hindi mo ba kami tinalikuran? Hindi ka pumunta sa digmaan kasama ng aming mga sundalo. 12 Bigyan mo kami ng tulong laban sa kaaway, dahil walang saysay ang tulong ng tao. 13 Magtatagumpay kami sa tulong ng Diyos; tatapakan niya ang aming mga kaaway.

Chapter 109

1 Diyos na aking pinupuri, huwag kang manahimik, 2 dahil nilulusob ako ng masasama at mapanlinlang; nagsasabi sila ng mga kasinungalingan laban sa akin. 3 Pinalilibutan nila ako at nagsasabi nang mga bagay na nakamumuhi, at nilulusob nila ako nang walang dahilan. 4 Kapalit ng pag-ibig ko ay ang paninirang-puri nila, pero ipinapanalangin ko sila. 5 Ginantihan nila ako ng kasamaan para sa kabutihan at namumuhi sila sa aking pag-ibig. 6 Maghirang ka ng masamang tao sa kaaway na katulad nila; magtalaga ka ng tagapagbintang para tumayo sa kaniyang kanang kamay. 7 Kapag siya ay hinatulan, nawa mapatunayan siyang may-sala; nawa maituring na makasalanan ang kaniyang panalangin. 8 Nawa umigsi ang kaniyang mga araw; nawa may ibang kumuha ng kaniyang katungkulan. 9 Nawa ang kaniyang mga anak ay mawalan ng ama, at nawa ang kaniyang asawang babae ay maging balo. 10 Nawa mahibang at magmakaawa ang kaniyang mga anak, na nanghihingi ng limos sa kanilang pag-alis sa kanilang wasak na tahanan. 11 Nawa kunin ng pinagkakautangan ang lahat ng kaniyang pag-aari; nawa nakawin ng mga dayuhan ang kaniyang kinikita. 12 Nawa walang sinuman ang mag-abot ng kabutihan sa kaniya; nawa walang sinuman ang magkaroon ng awa sa kaniyang mga anak na walang ama. 13 Nawa ang kaniyang mga anak ay mawala; nawa ang kanilang mga pangalan ay mabura sa susunod na salinlahi. 14 Nawa mabanggit ang kasalanan ng kaniyang mga ninuno kay Yahweh; at nawa ang kasalanan ng kaniyang ina ay hindi malimutan. 15 Nawa ang kanilang pagkakasala ay palaging nasa harapan ni Yahweh; nawa burahin ni Yahweh ang kanilang alaala mula sa mundong ito. 16 Nawa gawin ito ni Yahweh dahil ang taong ito ay hindi kailanman nag-abala na magpakita ng kahit anong katapatan sa tipan, pero sa halip ay ginugulo ang mga api, mga nangangailangan, at mga pinanghinaan ng loob sa kamatayan. 17 Inibig niya ang pagsusumpa; nawa bumalik ito sa kaniya. Kinasusuklaman niya ang pagpapala; nawa walang pagpapala ang dumating sa kaniya. 18 Sinuotan niya ang kaniyang sarili ng sumpa bilang kaniyang damit, at ang kaniyang sumpa ay pumasok sa kaniyang kalooban gaya ng tubig, gaya ng langis sa kaniyang mga buto. 19 Nawa ang mga sumpa ay maging gaya ng mga damit na kaniyang sinusuot para balutan ang kaniyang sarili, gaya ng sinturon na palagi niyang suot-suot. 20 Nawa ito ang maging gantimpala ng aking mga tagapagbintang mula kay Yahweh, mga nagsasabi ng masasamang bagay tungkol sa akin. 21 Yahweh aking Panginoon, pakitunguhan mo ako nang mabuti alang-alang sa ngalan mo. Dahil ang iyong katapatan sa tipan ay mabuti, iligtas mo ako. 22 Dahil sa ako ay naaapi at nangangailangan, at ang aking puso ay sugatan. 23 Naglalaho ako gaya ng anino sa gabi; niyugyog ako gaya ng isang balang. 24 Humina ang aking mga tuhod mula sa pag-aayuno; nagiging balat at buto na ako. 25 Hinamak ako ng mga nagbibintang sa akin; kapag nakikita nila ako, iniiling nila ang kanilang mga ulo. 26 Tulungan mo ako, O Yahweh na aking Diyos; iligtas mo ako sa pamamagitan ng iyong katapatan sa tipan. 27 Nawa malaman nila na ito ay iyong gawain, na ikaw, Yahweh ang gumawa nito. 28 Kahit sumpain nila ako, pakiusap pagpalain mo ako; kapag sinalakay nila ako, nawa sila ay mapahiya, pero nawa ang iyong lingkod ay magalak. 29 Nawa ang mga kaaway ko ay mabalutan ng kahihiyan; nawa suotin nila ang kanilang kahihiyan gaya ng isang balabal. 30 Sa pamamagitan ng aking bibig magbibigay ako ng labis na pasasalamat kay Yahweh; pupurihin ko siya sa gitna ng maraming tao. 31 Dahil siya ay tatayo sa kanang kamay ng nangangailangan, para iligtas siya mula sa mga nanghuhusga sa kaniya.

Chapter 110

1 Sinabi ni Yahweh sa aking panginoon, "Umupo ka sa aking kanang kamay hanggang ang iyong mga kaaway ay gawin kong iyong tuntungan." 2 Hahawakan ni Yahweh ang setro ng iyong kalakasan mula sa Sion; mamuno ka sa iyong mga kaaway. 3 Ang iyong bayan ay susunod sa iyo sa banal na kasuotan ng kanilang sariling kalooban sa araw ng iyong kapangyarihan; mula sa sinapupunan ng bukang liwayway ang iyong pagkabata ay mapapasaiyo gaya ng hamog. 4 Sumumpa si Yahweh, at hindi magbabago: "Ikaw ay isang pari magpakailanman, ayon sa paraan ni Melkisedek." 5 Ang Panginoon ay nasa iyong kanang kamay. Papatayin niya ang mga hari sa araw ng kaniyang galit. 6 Hahatulan niya ang mga bayan; pupunuin niya ang lugar ng digmaan ng mga bangkay; papatayin niya ang mga pinuno ng maraming mga bansa. 7 Iinom siya sa batis sa tabi ng daan, at pagkatapos ay ititingala niya ang kaniyang ulo pagkatapos ng tagumpay.

Chapter 111

1 Purihin si Yahweh. Magbibigay ako ng pasasalamat kay Yahweh ng buong puso sa kapulungan ng matutuwid, sa kanilang pagtitipon. 2 Ang mga gawain ni Yahweh ay dakila, nananabik na hinihintay ng lahat nang nagnanais sa kanila. 3 Ang kaniyang mga gawain ay dakila at maluwalhati, at ang kaniyang katuwiran ay mananatili magpakailanman. 4 Gumagawa siya ng mga kahanga-hangang mga bagay na maaalala; si Yahweh ay mapagbigay-loob at maawain. 5 Nagbibigay siya ng pagkain sa kaniyang tapat na mga tagasunod. Palagi niyang inaalala ang kaniyang tipan. 6 Ipinamalas niya ang kaniyang makapangyarihang mga gawa sa kaniyang bayan sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng mana sa mga bansa. 7 Ang mga gawain ng kaniyang mga kamay ay mapagkakatiwalaan at makatarungan; lahat ng kaniyang mga tagubilin ay maaasahan. 8 Pinatatag sila magpakailanman, para masiyasat nang tapat at nang wasto. 9 Nagbigay siya ng tagumpay sa kaniyang bayan; itinalaga niya ang kaniyang tipan magpakailanman; banal at kahanga-hanga ang kaniyang pangalan. 10 Ang parangalan si Yahweh ay simula ng karunungan; ang mga gumagawa ng kaniyang mga tagubilin ay mayroong mabuting pang-unawa. Ang kaniyang kapurihan ay mananatili magpakailanman.

Chapter 112

1 Purihin si Yahweh. Mapalad ang tao na sumusunod kay Yahweh, na siyang labis na nagagalak sa kaniyang mga kautusan. 2 Ang kaniyang mga kaapu-apuhan ay magiging makapangyarihan sa mundo; ang salinlahi ng maka-diyos ay pagpapalain. 3 Kasaganaan at kayamanan ay nasa kaniyang tahanan; ang kaniyang katuwiran ay mananatili magpakailanman. 4 Nagliliwanag ang ilaw sa kadiliman para sa maka-diyos; siya ay mapagbigay-loob, maawain, at makatarungan. 5 Umaayos ang buhay ng taong nakikitungo nang may kahabagan at nagpapahiram ng salapi, ng nagsasagawa ng kaniyang mga gawain nang may katapatan. 6 Dahil siya ay hindi kailanman matitinag; ang matuwid ay maaalala magpakailanman. 7 Hindi siya natatakot sa masamang balita; siya ay panatag at nagtitiwala kay Yahweh. 8 Mapayapa ang kaniyang puso, walang takot, hanggang siya ay magtagumpay laban sa kaniyang mga kaaway. 9 Bukas-palad siyang nagbibigay sa mga mahihirap; ang kaniyang katuwiran ay nananatili magpakailanman; siya ay maitataas nang may karangalan. 10 Makikita ito ng masamang tao at magagalit; magngangalit ang kaniyang mga ngipin at matutunaw; ang pagnanais ng masasama ay mawawala.

Chapter 113

1 Purihin si Yahweh. Purihin siya, kayong mga lingkod ni Yahweh; purihin ang pangalan ni Yahweh. 2 Pagpalain ang pangalan ni Yahweh, ngayon at magpakailanman. 3 Mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog nito, ang pangalan ni Yahweh ay dapat papurihan. 4 Itataas sa lahat ng mga bansa si Yahweh, at umaabot hanggang kalangitan ang kaniyang kaluwalhatian. 5 Sino ang katulad ni Yahweh ang ating Diyos, na nakaupo sa kataas-taasan, 6 na nakatingin sa langit at sa lupa? 7 Ibinabangon niya ang mahihirap mula sa alabok at itinataas ang nangangailangan mula sa bunton ng abo, 8 para siya ay makaupo kasama ng mga prinsipe, mga prinsepe ng kaniyang bayan. 9 Binibigyan niya ng upuan ang babaeng baog na nasa bahay tulad ng isang masayahing ina ng mga anak. Purihin si Yahweh.

Chapter 114

1 Nang lumabas ang Israel sa Ehipto, ang sambahayan ni Jacob mula sa mga dayuhan na iyon, 2 ang Juda ang naging banal niyang lugar, ang Israel ang kaniyang kaharian. 3 Nakita ito ng dagat, at tumakas ito; umatras ang Jordan. 4 Ang mga bundok ay lumukso na parang mga tupa, ang mga burol ay lumukso na parang mga batang tupa. 5 Bakit ka tumakas, O dagat? Jordan, bakit ka tumakas? 6 Mga bundok, bakit kayo lumukso na parang mga tupa? Kayong maliliit na burol, bakit kayo lumukso na parang batang tupa? 7 Mayanig ka, O lupa, sa harap ng Panginoon, sa presensiya ng Diyos ni Jacob. 8 Ginawa niyang lawa ng tubig ang malaking bato, ginawa niyang bukal ng tubig ang matigas na bato.

Chapter 115

1 Huwag sa amin, O Yahweh, huwag sa amin, pero sa iyong pangalan maibigay ang karangalan, dahil sa iyong katapatan sa tipan. 2 Bakit sasabihin ng mga bansa, "Saan naroon ang kanilang Diyos?" 3 Ang aming Diyos ay nasa langit; ginagawa niya ang kaniyang maibigan. 4 Ang diyos-diyosan ng mga bansa' ay pilak at ginto, gawa sa mga kamay ng mga tao. 5 Silang mga diyos-diyosang ay may mga bibig, pero sila ay hindi nagsasalita; mayroon silang mga mata, pero hindi sila nakakakita; 6 mayroong silang mga tainga, pero hindi sila nakakarinig; mayroong silang mga ilong, pero hindi sila nakakaamoy; 7 Mayroon silang mga kamay, pero hindi sila nakakaramdam; mayroon silang mga paa, pero hindi sila nakakalakad; ni hindi nila magawang magsalita sa kanilang mga bibig. 8 Silang mga gumawa sa kanila ay tulad nila, gaya ng lahat ng nagtitiwala sa kanila. 9 O Israel, magtiwala kayo kay Yahweh; siya ang iyong saklolo at kalasag. 10 Ang tahanan ni Aaron, magtiwala kayo kay Yahweh; siya ang iyong saklolo at kalasag. 11 Kayong gumagalang kay Yahweh, magtiwala sa kaniya; siya ang iyong saklolo at kalasag. 12 Pinapansin at pagpapalain tayo ni Yahweh; kaniyang pagpapalain ang sambahayan ng Israel; kaniyang pagpapalain ang sambahayan ni Aaron. 13 Kaniyang pagpapalain ang nagpaparangal sa kaniya, kapwa bata at matanda. 14 Nawa palalaguin ni Yahweh ang inyong bilang ng higit pa, kayo at ang inyong mga kaapu-apuhan. 15 Pagpalain kayo ni Yahweh, na siyang gumawa ng langit at lupa. 16 Ang kalangitan ay kay Yahweh; pero ang lupa ay kaniyang ibinigay sa sangkatauhan. 17 Ang patay ay hindi magpupuri kay Yahweh, ni sinumang bumaba sa katahimikan; 18 Pero aming pagpapalain si Yahweh ngayon at magpakailanman. Purihin si Yahweh.

Chapter 116

1 Mahal ko si Yahweh dahil naririnig niya ang aking tinig at mga pakiusap para sa awa. 2 Dahil siya ay nakinig sa akin, ako ay tatawag sa kaniya habang ako ay nabubuhay. 3 Ang mga tali ng kamatayan ay pinaligiran ako, at ang mga patibong ng Sheol ay nasa harapan ko; aking nadama ang hapis at kalungkutan. 4 Pagkatapos tumawag ako sa pangalan ni Yahweh: "Pakiusap O Yahweh, iligtas mo ang buhay ko." 5 Maawain at makatarungan si Yahweh; ang ating Diyos ay mahabagin. 6 Pinagtatanggol ni Yahweh ang walang muwang; ako ay ibinaba, at kaniyang iniligtas. 7 Maaaring bumalik ang aking kaluluwa sa lugar ng kaniyang kapahingahan, dahil si Yahweh ay naging mabuti sa akin. 8 Dahil iniligtas mo ang buhay ko mula sa kamatayan, at ang mata ko mula sa mga luha, at ang mga paa ko mula sa pagkatisod. 9 Maglilingkod ako kay Yahweh sa lupain ng mga buhay. 10 Naniwala ako sa kaniya, kahit sinabi kong "Lubha akong nahirapan. 11 Padalos-dalos kong sinabing, "Lahat ng tao ay mga sinungaling." 12 Paano ako makakabayad kay Yahweh sa lahat ng kabutihan niya sa akin? 13 Aking itataas ang saro ng kaligtasan, at tatawag ako sa pangalan ni Yahweh. 14 Aking tutuparin ang mga panata ko kay Yahweh sa harapan ng kaniyang buong bayan. 15 Mahalaga sa paningin ni Yahweh ang kamatayan ng kaniyang mga santo. 16 O Yahweh, tunay nga, ako ay iyong lingkod; ako ang iyong lingkod, na anak ng iyong lingkod na babae; iyong kinalag ang aking mga pagkakatali. 17 Aking iaalay sa iyo ang handog na pasasalamat at tatawag sa pangalan ni Yahweh. 18 Aking tutuparin ang mga panata ko kay Yahweh sa harapan ng kaniyang buong bayan, 19 sa mga silid ng tahanan ni Yahweh, sa inyong kalagitnaan, sa Jerusalem. Purihin si Yahweh.

Chapter 117

1 Purihin si Yahweh, lahat ng bansa; siya ay parangalan, lahat ng mga tao. 2 Dahil ang kanyang katapatan sa tipan ay dakila para sa atin, at ang pagiging mapagkakatiwalaan ni Yahweh ay mananatili magpakailanman. Purihin si Yahweh.

Chapter 118

1 Magpasalamat kay Yahweh, dahil siya ay mabuti, ang kaniyang katapatan sa tipan ay magpakailanman. 2 Hayaangm magsabi ang Israel, "Ang kaniyang katapatan sa tipan ay manananatili magpakailanman. 3 Hayaang magsabi ang sambahayan ni Aaron, "Ang kaniyang katapatan sa tipan ay mananatili magpakailanman. 4 Hayaang magsabi ang mga matapat na tagasunod ni Yahaweh, "Ang kaniyang katapatan sa tipan ay manananatili magpakailanman." 5 Sa aking pagdurusa ay tumawag ako kay Yahweh; sinagot ako ni Yahweh at pinalaya ako. 6 Si Yahweh ay kasama ko; hindi ako matatakot; anong magagawa ng tao sa akin? 7 Si Yahweh ay katulong ko sa aking panig: kaya nakikita ang tagumpay ko sa kanila na napopoot sa akin. 8 Mas mabuting kumanlong kay Yahweh kaysa magtiwala sa tao. 9 Mas mabuting magkubli kay Yahweh kaysa magtiwala sa mga tao. 10 Nakapalibot sakin ang buong bansa; sa pangalan ni Yahweh ay pinutol ko sila. 11 Ako ay pinalilibutan nila; oo, ako ay pinalilibutan nila; sa pangalan ni Yahweh ay pinutol ko sila. 12 Ako ay pinalibutan nila na parang mga bubuyog; sila ay mabilis na naglaho na parang apoy sa gitna ng mga tinik; sa pangalan ni Yahweh ay pinutol ko sila. 13 Nilusob nila ako para patumbahin, pero tinulungan ako ni Yahweh. 14 Kalakasan at kagalakan ko si Yahweh, at siya ang nagligtas sa akin. 15 Ang sigaw ng kagalakan ng tagumpay ay narinig sa mga tolda ng matuwid; ang kanang kamay ni Yahweh ay nananakop. 16 Ang kanang kamay ni Yahweh ay itinaas; ang kanang kamay ni Yahweh ay nananakop. 17 Hindi ako mamamatay, pero mabubuhay at magpapahayag ako ng mga gawa ni Yahweh. 18 Pinarusahan ako ng malupit ni Yahweh; pero hindi niya ako inilagay sa kamatayan. 19 Buksan para sa akin ang mga tarangkahan ng katuwiran; papasok ako sa kanila at magpapasalamat kay Yahweh. 20 Ito ang tarangkahan ni Yahweh; ang mga matuwid ay papasok dito. 21 Ako ay magpapasalamat sa iyo dahil sinagot mo ako, at ikaw ang naging kaligtasan ko. 22 Ang bato na tinanggihan ng mga nagtayo ay naging panulukang bato. 23 Ito ay gawa ni Yahweh; kagila-gilalas ito sa harap ng ating mga mata. 24 Ito ang araw na kumilos si Yahweh; tayo ay magalak at magsaya. 25 Pakiusap, O Yahweh, bigyan mo kami ng tagumpay! Pakiusap, O Yahweh, bigyan mo kami ng tagumpay! 26 Pagpapalain siyang dumarating sa pangalan ni Yahweh; pinagpapala ka namin mula sa tahanan ni Yahweh. 27 Si Yahweh ay Diyos, at binigyan niya kami ng liwanag; itali ninyo ang handog ng mga panali sa mga sungay ng altar. 28 Ikaw ang aking Diyos, at magpapasalamat ako sa iyo; ikaw ang aking Diyos, ikaw ang aking itataas. 29 O, magpasalamat kay Yahweh; dahil siya ay mabuti; ang kaniyang katapatan sa tipan ay mananatili magpakailanman.

Chapter 119

1 Mapalad silang malinis ang mga kaparaanan, silang lumalakad ayon sa batas ni Yahweh. 2 Mapalad silang pinapanatili ang kaniyang banal na mga kautusan, silang buong pusong naghahanap sa kaniya. 3 Wala silang ginagawang kamalian; lumalakad sila sa kaniyang mga kaparaanan. 4 Inutusan mo kaming ingatan ang iyong mga tagubilin para masunod namin ito nang mabuti. 5 O, tatatag ako sa pagsunod sa iyong mga alituntunin! 6 Pagkatapos, hindi ako malalagay sa kahihiyan kapag iniisip ko ang lahat ng iyong mga kautusan. 7 Taos-puso akong magpapasalamat sa iyo kapag ang matuwid mong mga utos ay natutunan ko. 8 Susundin ko ang iyong mga alituntunin; huwag mo akong iwanang nag-iisa. BETH 9 Paano pananatilihing dalisay ng isang kabataan ang kaniyang landas? Sa pamamagitan ng pagsunod sa iyong salita. 10 Busong puso kitang hahanapin; huwag mo akong hayaang malihis mula sa iyong mga kautusan. 11 Iningatan ko ang iyong salita sa aking puso para hindi ako magkasala laban sa iyo. 12 Purihin ka, O Yahweh; ituro mo sa akin ang iyong mga alituntunin. 13 Ipinahayag ng aking bibig ang lahat nang matuwid na utos na ipinakita mo. 14 Nagagalak ako sa paglakad sa mga utos mo sa tipan higit pa sa lahat ng kayamanan. 15 Pagninilayan ko ang iyong mga tagubilin at bibigyang-pansin ang mga kaparaanan mo. 16 Nasisiyahan ako sa iyong mga alituntunin; salita mo ay hindi ko kalilimutan. GIMEL. 17 Maging mabuti ka sa iyong lingkod para mabuhay ako at mapanatili ang iyong salita. 18 Buksan mo ang aking mga mata para makita ko sa batas mo ang mga kahanga-hangang bagay. 19 Isa akong dayuhan sa lupain, huwag mong itago ang mga kautusan mo sa akin. 20 Dinudurog ang mga nasa ko ng pananabik na malaman ang matuwid mong mga utos sa lahat ng oras. 21 Itinutuwid mo ang mga mapagmataas, ang mga isinumpa at ang mga naligaw mula sa iyong mga kautusan. 22 Ilayo mo ako mula sa kahihiyan at panghahamak dahil sinunod ko ang mga utos mo sa tipan. 23 Kahit na pinagpaplanuhan ako ng masama at sinisiraan ng mga namumuno, pinag-iisipan nang mabuti ng lingkod mo ang iyong mga alituntunin. 24 Ang mga utos mo sa tipan ang kasiyahan ko, at ito ang aking mga tagapayo. DALETH 25 Nakakapit sa alabok ang buhay ko! Bigyan mo ako ng buhay sa pamamagitan ng salita mo. 26 Sinabi ko sa iyo ang aking mga kaparaanan at tinugon mo ako; ituro mo sa akin ang iyong mga alituntunin. 27 Ipaunawa mo sa akin ang mga kaparaanan ng mga tagubilin mo, para mapag-isipan ko nang mabuti ang mga kamangha-manghang katuruan mo. 28 Tinabunan ako ng kalungkutan! Palakasin mo ako sa pamamagitan ng iyong salita. 29 Ilayo mo ako sa landas ng pandaraya; magiliw mong ituro sa akin ang iyong batas. 30 Pinili ko ang landas ng katapatan; lagi kong ginagawa ang matuwid mong mga utos. 31 Kumakapit ako sa mga utos mo sa tipan; huwag mo akong hayaang mapahiya, Yahweh. 32 Tatakbo ako sa landas ng mga kautusan mo dahil pinataba mo ang aking puso na gawin ito. HE. 33 Ituro mo, Yahweh, ang pamamaraan ng iyong mga alituntunin, at iingatan ko ang mga ito hanggang sa katapusan. 34 Bigyan mo ako ng pang-unawa at iingatan ko ang iyong utos; buong puso ko itong susundin. 35 Gabayan mo ako sa landas ng mga kautusan mo dahil nasisiyahan akong lumakad dito. 36 Akayin mo ang aking puso sa iyong tipan at ilayo mula sa mga bagay na hindi makatuwiran. 37 Ibaling mo ang aking mga mata mula sa pagtingin sa mga bagay na walang halaga; pasiglahin mo ako sa mga kaparaanan mo. 38 Tuparin mo alang-alang sa iyong lingkod ang mga pangakong ginawa mo para sa mga nagpaparangal sa iyo. 39 Alisin mo sa akin ang mga panlalait na kinatatakutan ko, dahil mabuti ang matuwid mong paghatol. 40 Tingnan mo, nananabik ako para sa iyong tagubilin; panatilihin mo akong buhay sa pamamagitan ng iyong matuwid na pagpapalaya. VAV. 41 Iparanas mo sa akin, Yahweh, ang pag-ibig mong hindi nagmamaliw— ang kaligtasan mo ayon sa iyong pangako; 42 para may itutugon ako sa mga nangungutya sa akin, dahil nagtitiwala ako sa iyong salita. 43 Huwag mong alisin sa aking bibig ang salita ng katotohanan, dahil naghintay ako para sa matuwid mong mga utos. 44 Patuloy kong susundin ang iyong batas magpakailanpaman. 45 Maglalakad ako nang ligtas, dahil hinahanap ko ang iyong mga tagubilin. 46 Magsasalita ako tungkol sa mga banal mong utos sa harap ng mga hari at hindi mahihiya. 47 Nasisiyahan ako sa iyong mga kautusan, na lubos kong minamahal. 48 Itataas ko ang aking mga kamay sa iyong mga kautusan, na aking minamahal. Pag-iisipan kong mabuti ang iyong mga alituntunin. ZAYIN. 49 Alalahanin mo ang mga ipinangako mo sa iyong lingkod dahil binigyan mo ako ng pag-asa. 50 Ito ang kaaliwan ko sa aking paghihirap: na pinapanatili akong buhay ng pangako mo. 51 Hinahamak ako ng mga mapagmalaki, pero hindi ako tumalikod sa iyong batas. 52 Inisip ko ang tungkol sa mga matuwid mong utos noong unang panahon, Yahweh, at inaaliw ko ang aking sarili. 53 Napuno ako ng matinding galit dahil sa mga masasama na hindi sumusunod sa iyong batas. 54 Ang mga alituntunin mo ang naging mga awit ko sa bahay na pansamantala kong tinitirhan. 55 Iniisip ko ang pangalan mo sa gabi, Yahweh, at iniingatan ang iyong batas. 56 Ito ang naging gawain ko dahil sinunod ko ang mga tagubilin mo. HETH. 57 Si Yahweh ang kabahagi ko; napagpasiyahan kong sundin ang kaniyang mga salita. 58 Buong puso kong hinihiling ang iyong kagandahang-loob; maging mahabagin ka sa akin gaya ng pinangako ng iyong salita. 59 Siniyasat ko ang aking mga pamumuhay at binaling ko ang aking mga paa sa iyong mga utos. 60 Nagmamamadali ako at hindi ipinagpaliban ang pagsunod sa iyong mga kautusan. 61 Nabitag ako ng lubid ng masasama; hindi ko kinalimutan ang iyong batas. 62 Bumabangon ako nang hatinggabi para magpasalamat sa iyo dahil sa matuwid mong mga utos. 63 Kasamahan ako ng lahat ng mga nagpaparangal sa iyo, ng lahat ng mga sumusunod sa mga tagubilin mo. 64 Ang mundo, Yahweh, ay puno ng katapatan mo sa tipan; ituro mo sa akin ang iyong mga alituntunin. TETH 65 Gumawa ka ng kabutihan sa iyong lingkod, Yahweh, sa pamamagitan ng iyong salita. 66 Turuan mo ako ng tamang pagpapasya at pang-unawa, dahil naniniwala ako sa mga kautusan mo. 67 Bago ako nasaktan, naligaw ako, pero ngayon, sumusunod ako sa salita mo. 68 Mabuti ka at ikaw lang ang siyang gumagawa ng kabutihan; ituro mo sa akin ang iyong alituntunin. 69 Siniraan ako sa mga kasinungalingan ng mayayabang, pero buong puso kong pinapanatili ang mga tagubilin mo. 70 Tumigas ang kanilang mga puso, pero nasisiyahan ako sa batas mo. 71 Nakabubuti para sa akin na naghirap ako para matutunan ko ang mga alituntunin mo. 72 Mas mahalaga ang mga tagubilin mula sa iyong bibig kaysa sa libo-libong piraso ng ginto at pilak. YOD 73 Ang mga kamay mo ang gumawa at humubog sa akin; bigyan mo ako ng pang-unawa para matutunan ko ang mga kautusan mo. 74 Matutuwa ang mga nagpaparangal sa iyo kapag nakikita nila ako dahil nakatagpo ako ng pag-asa sa iyong salita. 75 Alam ko, Yahweh, na makatarungan ang mga utos mo, at sa katapatang ito, pinahirapan mo ako. 76 Hayaan mong aliwin ako ng katapatan mo sa tipan gaya ng ipinangako mo sa iyong lingkod. 77 Kahabagan mo ako para mabuhay ako, dahil ang batas mo ang kasiyahan ko. 78 Hayaan mong malagay sa kahihiyan ang mga mapagmalaki, dahil siniraan nila ako; pero magninilay ako sa mga tagubilin mo. 79 Nawa bumalik sa akin ang mga nagpaparangal sa iyo, silang mga nakakaalam ng mga utos mo sa tipan. 80 Maging malinis nawa ang aking puso na may paggalang sa mga alituntunin mo para hindi ako malagay sa kahihiyan. KAPH. 81 Nanghihina ako nang may pananabik na ako ay iyong sagipin! Umaasa ako sa iyong salita! 82 Nananabik ang aking mga mata na makita ang iyong pinangako; kailan mo kaya ako aaliwin? 83 Dahil naging tulad ako ng pinauusukang sisidlan ng alak; hindi ko kinakalimutan ang iyong mga alituntunin. 84 Gaano katagal ito pagtitiisan ng iyong lingkod; kailan mo hahatulan ang mga umuusig sa akin? 85 Naghukay ng malalim ang mga mapagmalaki para sa akin, na nilalabag ang iyong batas. 86 Lahat ng mga kautusan mo ay maaasahan; inuusig ako ng mga tao nang may kamalian; tulungan mo ako. 87 Halos tapusin nila ang buhay ko sa mundo, pero hindi ko itinakwil ang mga tagubilin mo. 88 Panatilihin mo akong buhay gaya ng ipinangako ng katapatan mo sa tipan, para maingatan ko ang sinabi mo sa mga utos mo sa tipan. LAMEDH. 89 Mananatili ang salita mo, Yahweh, magpakailanman; matatag ang salita mo sa kalangitan. 90 Mananatili ang katapatan mo sa lahat ng salinlahi; itinatag mo ang mundo, at ito ay mananatili. 91 Nagpapatuloy hanggang ngayon ang lahat ng mga bagay, gaya ng sinabi mo sa matuwid mong mga utos, dahil mga lingkod mo ang lahat ng mga bagay. 92 Kung hindi ko naging kasiyahan ang iyong batas, namatay na sana ako sa aking paghihirap. 93 Hindi ko kailanman makakalimutan ang mga tagubilin mo, dahil sa pamamagitan nito, pinanatili mo akong buhay. 94 Ako ay sa iyo; iligtas mo ako, dahil hinahanap ko ang mga tagubilin mo. 95 Ang mga masasama ay naghahanda para ako ay sirain, pero uunawain ko ang mga utos mo sa tipan. 96 Nakita ko na may hangganan ang lahat ng bagay, pero malawak ang iyong mga kautusan at walang hangganan. MEM. 97 O iniibig ko ang iyong batas! Ito ang pinagninilayan ko buong araw. 98 Higit akong pinatatalino ng mga kautusan mo kaysa sa mga kaaway ko, dahil lagi kong kasama ang mga kautusan mo. 99 Mayroon akong higit na pang-unawa kaysa sa lahat ng aking mga guro, dahil pinagninilayan ko ang mga utos mo sa tipan. 100 Higit akong nakauunawa kaysa sa mga nakatatanda sa akin; dahil ito sa pagsunod ko sa iyong mga tagubilin. 101 Tumalikod ako mula sa landas ng kasamaan para masunod ko ang salita mo. 102 Hindi ako tumalikod mula sa matuwid mong mga utos dahil tinuruan mo ako. 103 Napakatamis sa aking panlasa ang iyong mga salita, oo, mas matamis kaysa sa pulot sa aking bibig! 104 Sa pamamagitan ng mga tagubilin mo, natamo ko ang tamang pagpapasiya; kaya nga kinapopootan ko ang bawat maling paraan. NUN. 105 Ang salita mo ay ilawan ng aking mga paa at liwanag para sa aking landas. 106 Nangako ako at pinagtibay ko ito, na susundin ko ang mga utos mo. 107 Labis akong nasasaktan; panatilihin mo akong buhay, Yahweh, gaya ng ipinangako mo sa iyong salita. 108 Pakiusap, tanggapin mo Yahweh ang kusang-loob na mga alay ng aking bibig, at ituro mo sa akin ang matuwid mong mga utos. 109 Nasa kamay ko palagi ang aking buhay, pero hindi ko kinalilimutan ang iyong batas. 110 Naglagay ng patibong para sa akin ang mga masasama, pero hindi ako naligaw mula sa mga tagubilin mo. 111 Inaangkin ko ang mga utos mo sa tipan bilang aking mana magpakailanman, dahil ito ang kagalakan ng aking puso. 112 Nakalaan ang aking puso sa pagsunod sa mga alituntunin mo magpakailanman hanggang sa wakas. SAMEKH. 113 Galit ako sa mga walang paninindigan, pero mahal ko ang iyong batas. 114 Ikaw ang aking kublihan at kalasag; naghihintay ako para sa iyong salita. 115 Lumayo kayo sa akin, kayong mga gumagawa ng masama, para masunod ko ang mga kautusan ng aking Diyos. 116 Palakasin mo ako sa pamamagitan ng iyong salita para mabuhay ako at hindi mapahiya sa aking inaasahan. 117 Tulungan mo ako at magiging ligtas ako; lagi kong pinagninilayan ang mga alituntunin mo. 118 Itinatakwil mo ang lahat ng mga nalilihis mula sa iyong mga alituntunin, dahil mapanlinlang at hindi maaasahan ang mga taong iyon. 119 Inaalis mo ang lahat ng masasama sa mundo katulad ng dumi; kaya nga, minamahal ko ang banal mong mga kautusan. 120 Nanginginig ang aking katawan sa takot sa iyo, at natatakot ako sa matuwid mong mga utos. AYIN. 121 Ginagawa ko kung ano ang makatarungan at matuwid; huwag mo akong iwanan sa mga nang-aapi sa akin. 122 Siguraduhin mo ang kapakanan ng iyong lingkod, huwag mong hayaang apihin ako ng mga mapagmalaki. 123 Napapagal ang aking mga mata sa paghihintay para sa iyong kaligtasan at sa matuwid mong salita. 124 Ipakita mo sa iyong lingkod ang katapatan mo sa tipan, at ituro mo sa akin ang iyong mga alituntunin. 125 Ako ay iyong lingkod; bigyan mo ako ng pang-unawa para malaman ko ang mga utos mo sa tipan. 126 Oras na para kumilos si Yahweh, dahil nilalabag ng mga tao ang iyong batas. 127 Tunay ngang minamahal ko ang iyong mga kautusan higit sa ginto, higit sa purong ginto. 128 Kaya nga, sumusunod ako nang mabuti sa lahat ng mga tagubilin mo, at napopoot ako sa bawat landas ng kamalian. PE. 129 Kahanga-hanga ang mga patakaran mo, kaya nga sinusunod ko ang mga ito. 130 Ang paglalahad ng mga salita mo ay nagbibigay ng liwanag; nagbibigay ito ng pang-unawa sa mga hindi naturuan. 131 Binubuksan ko ang aking bibig at humihingal dahil nananabik ako para sa mga kautusan mo. 132 Humarap ka sa akin at mahabag, gaya ng lagi mong ginagawa para sa mga nagmamahal sa iyong pangalan. 133 Akayin mo ang aking mga yapak sa pamamagitan ng iyong salita; huwag mong hayaang pamunuan ako ng kahit anong kasalanan. 134 Tubusin mo ako mula sa pang-aapi ng mga tao para masunod ko ang mga tagubilin mo. 135 Hayaan mong magliwanag ang iyong mukha sa iyong lingkod, at ituro mo sa akin ang iyong mga alituntunin. 136 Napakaraming mga luha ang umaagos mula sa aking mga mata dahil hindi sinusunod ng mga tao ang iyong batas. TSADHE. 137 Matuwid ka, Yahweh, at makatarungan ang mga utos mo. 138 Matuwid at matapat mong ibinigay ang mga utos mo sa tipan. 139 Winasak ako ng galit dahil kinakalimutan ng mga kalaban ko ang mga salita mo. 140 Labis nang nasubok ang iyong salita, at iniibig ito ng iyong lingkod. 141 Ako ay walang halaga at inalipusta, pero hindi ko pa rin kinalilimutan ang mga tagubilin mo. 142 Ang katarungan mo ay matuwid magpakailanman, at ang batas mo ay mapagkakatiwalaan. 143 Kahit na natagpuan ako ng bagabag at paghihirap, ang kautusan mo pa rin ang aking kasiyahan. 144 Ang mga utos mo sa tipan ay matuwid magpakailanman; bigyan mo ako ng pang-unawa para ako ay mabuhay. QOPH. 145 Nanawagan ako ng buong puso, "Sagutin mo ako, Yahweh, iingatan ko ang mga alituntunin mo. 146 Tumatawag ako sa iyo; iligtas mo ako, at susundin ko ang mga utos mo sa tipan. 147 Bumabangon ako bago sumikat ang araw at humihingi ng tulong. Umaasa ako sa mga salita mo. 148 Mulat ang aking mga mata bago magpalit ng mga yugto ang gabi, para mapagnilayan ko ang mga salita mo. 149 Dinggin mo ang aking tinig sa katapatan mo sa tipan; panatilihin mo akong buhay, Yahweh, gaya ng ipinangako mo sa matuwid mong mga utos. 150 Papalapit nang papalapit sa akin ang mga umuusig sa akin, pero malayo sila sa iyong batas. 151 Ikaw ay malapit, Yahweh, at lahat ng mga kautusan mo ay mapagkakatiwalaan. 152 Natutunan ko noon mula sa mga utos mo sa tipan na itinakda mo ang mga ito magpakailanman. RESH 153 Tingnan mo ang aking mga paghihirap at tulungan mo ako, dahil hindi ko kinalilimutan ang batas mo. 154 Ipagtanggol mo ang aking kapakanan at tubusin ako; ingatan mo ako gaya ng ipinangako mo sa iyong salita. 155 Malayo ang kaligtasan mula sa masasama, dahil hindi nila minamahal ang iyong alituntunin. 156 Dakila ang iyong mahabaging mga gawa, Yahweh; panatilihin mo akong buhay gaya ng lagi mong ginagawa. 157 Marami ang aking mga taga-usig at kaaway, pero hindi pa rin ako tumalikod sa mga utos mo sa tipan. 158 Tinitingnan ko ng may pagkasuklam ang mga mandaraya dahil hindi nila sinusunod ang iyong salita. 159 Tingnan mo kung gaano ko minamahal ang mga tagubilin mo; panatilihin mo akong buhay, Yahweh, gaya ng ipinangako mo sa pamamagitan ng katapatan mo sa tipan. 160 Ang diwa ng iyong salita ay mapagkakatiwalaan; bawat isa sa mga utos mo ay mananatili magpakailanman. SHIN. 161 Inuusig ako ng mga prinsipe ng walang dahilan; nanginginig ang aking puso, takot na suwayin ang iyong salita. 162 Nagagalak ako sa iyong salita tulad ng nakahanap ng malaking gantimpala. 163 Kinapopootan ko at kinasusuklaman ang kasinungalingan, pero minamahal ko ang iyong batas. 164 Pitong beses sa isang araw kitang pinupuri dahil sa matuwid mong mga utos. 165 Malaking kapayapaan ang nakakamtan ng mga nagmamahal sa batas mo, walang makatitisod sa kanila. 166 Naghihintay ako para sa iyong kaligtasan, Yahweh, at sinusunod ko ang iyong mga kautusan. 167 Sinusunod ko ang mga banal mong kautusan at labis ko itong minamahal. 168 Iniingatan ko ang mga tagubilin mo at banal na kautusan, dahil alam mo ang lahat ng ginagawa ko. TAV. 169 Pakinggan mo ang aking iyak ng paghingi ng tulong, Yahweh; bigyan mo ako ng pang-unawa sa iyong salita. 170 Makarating nawa ang aking pagsamo sa harap mo; tulungan mo ako gaya ng ipinangako mo sa iyong salita. 171 Nawa ay magbuhos ng papuri ang aking mga labi, dahil itinuro mo sa akin ang alituntunin mo. 172 Hayaang mong umawit ang aking dila tungkol sa iyong salita, dahil matuwid lahat ng mga kautusan mo. 173 Nawa tulungan ako ng iyong kamay, dahil pinili ko ang mga tagubilin mo. 174 Nananabik ako para sa pagliligtas mo, Yahweh, at ang batas mo ang aking kasiyahan. 175 Nawa mabuhay ako at mapapurihan ka, at matulungan ako ng matuwid mong mga utos. 176 Naligaw ako tulad ng nawalang tupa; hanapin mo ang iyong lingkod, dahil hindi ko kinalimutan ang mga kautusan mo.

Chapter 120

1 Sa aking kahirapan tumawag ako kay Yahweh, at sinagot niya ako. 2 Iligtas mo ang aking buhay, O Yahweh, mula sa mga sinungaling na labi at mula sa mandarayang dila. 3 Paano ka niya parurusahan, at ano pa ang magagawa sa iyo, ikaw na may sinungaling na dila? 4 Papanain ka niya ng matalim na mga pana ng mandirigma, kung saan hinulma sa mainit na mga uling ng puno ng tambo. 5 Kaawaan ako dahil pansamantala akong naninirahan sa Mesech; nanirahan ako dati sa mga tolda ng Kedar. 6 Matagal akong nanirahan kasama silang napopoot sa kapayapaan. 7 Ako ay para sa kapayapaan, pero kapag ako ay nagsasalita, sila ay para sa digmaan.

Chapter 121

1 Itataas ko ang aking mga mata sa mga bundok. Mula saan manggagaling ang aking saklolo? 2 Ang saklolo sa akin ay nanggagaling kay Yahweh, na gumawa ng langit at lupa. 3 Hindi niya papayagang madulas ang paa mo; siya na nag-iingat sa iyo ay hindi iidlip. 4 Tingnan mo, ang tagapangalaga ng Israel ay hindi kailanman iidlip o matutulog. 5 Tagapangalaga ninyo si Yahweh; si Yahweh ay lilim sa inyong kanang kamay. 6 Hindi ka masasaktan ng araw sa umaga, ni ng buwan sa gabi. 7 Iingatan ka ni Yahweh sa lahat ng kapahamakan, at iingatan niya ang iyong buhay. 8 Iingatan ni Yahweh ang lahat ng iyong ginagawa ngayon at magpakailanman.

Chapter 122

1 Ako ay nagalak nang kanilang sabihin sa akin, "Tayong pumunta sa tahanan ni Yahweh." 2 Ang mga paa natin ay nakatayo sa loob ng iyong tarangkahan, O Jerusalem. 3 Ang Jerusalem ay itinayo tulad ng isang lungsod na matatag. 4 Ang mga angkan ni Yahweh ay umakyat doon, ang mga angkan ni Yahweh, bilang isang batas para sa Israel para magbigay pasasalamat sa pangalan ni Yahweh. 5 Doon ang mga pinuno ay nakaupo sa mga trono para sa hatol ng sambahayan ni David. 6 Manalangin para sa kapayapaan ng Jerusalem! Sila ay giginhawa na nagmamahal sa inyo. 7 Magkaroon nawa ng kapayapaan sa loob ng inyong mga pader at kaginhawahan sa inyong mga tore. 8 Para sa mga kapakanan ng aking mga kapatid at kasamahan, sasabihin ko ngayon, "Magkaroon nawa ng kapayapaan sa inyo." 9 Para sa kapakanan ng tahanan ni Yahweh na ating Diyos, mananalangin ako para sa inyong ikabubuti.

Chapter 123

1 Sa iyo ko itataas ang aking mga mata, ikaw na nakaupo sa kalangitan. 2 Tingnan mo, kung paanong tumitingin ang mga mata ng mga alipin sa kamay ng kanilang amo, kung paanong tumitingin ang mga mata ng isang alilang babae sa kamay ng kaniyang among babae, gayundin ang pagtingin ng aming mga mata kay Yahweh na aming Diyos hanggang siya ay magkaroon ng awa sa amin. 3 Maawa ka sa amin, O Yahweh, maawa ka sa amin, dahil kami ay puno ng kahihiyan. 4 Kami ay higit na punong-puno ng pangungutya ng mga walang-galang at paghamak ng mapagmalaki.

Chapter 124

1 "Kung wala si Yahweh sa ating panig," hayaang sabihin ng Israel ngayon, 2 "kung hindi si Yahweh ang nasa ating panig nang lumusob ang mga tao laban sa atin, 3 tiyak lalamunin nila tayo ng buhay nang sumiklab ang kanilang matinding galit laban sa atin. 4 Tatangayin tayo ng tubig; lalamunin tayo ng malakas na agos ng tubig. 5 Pagkatapos lulunurin tayo ng rumaragasang tubig." 6 Purihin si Yahweh, siyang hindi nagpahintulot na magutay-gutay tayo sa pamamagitan ng kanilang mga ngipin. 7 Nakatakas tayo tulad ng isang ibon mula sa patibong ng mga manghuhuli; ang patibong ay nasira at tayo ay nakatakas. 8 Ang ating saklolo ay na kay Yahweh, na siyang gumawa ng langit at lupa.

Chapter 125

1 Silang mga nagtitiwala kay Yahweh ay tulad ng bundok ng Sion, hindi matitinag, at mananatili magpakailanman. 2 Gaya ng mga bundok na nakapalibot sa Jerusalem, gayundin nakapalibot si Yahweh sa kaniyang bayan ngayon at magpakailanman. 3 Ang setro ng kasamaan ay hindi dapat mamuno sa lupain ng mga matutuwid. Kung hindi, ang mga matutuwid ay maaring gawin kung ano ang mali. 4 Yahweh, gumawa ka ng mabuti, sa kanilang mga mabuti at sa mga matuwid sa kanilang mga puso. 5 Pero para naman sa kanilang mga lumilihis para sa kanilang masasamang pamamaraan, itataboy sila ni Yahweh kasama ang mga gumagawa ng masasama. Kapayapaan nawa ang makamtan ng Israel.

Chapter 126

1 Nang ibinalik ni Yahweh ang magandang kapalaran sa Sion, tulad kami nilang mga nananaginip. 2 Pagkatapos napuno ang aming mga bibig ng tawanan at ang aming mga dila ng may awitan. Pagkatapos sinabi nila sa mga bansa. "Si Yahweh ay gumawa ng mga dakilang bagay para sa kanila." 3 Gumawa si Yahweh ng dakilang bagay para sa atin; labis kaming nagalak! 4 Yahweh, ibalik mo ang aming kayamanan tulad ng batis sa Negeb. 5 Silang mga naghahasik ng mga luha ay mag-aani ng sigaw para sa kagalakan. 6 Siyang umiiyak na lumabas, dala-dala ang binhing ihahasik, babalik muli nang may sigaw ng kagalakan, dala-dala ang kaniyang mga bungkos.

Chapter 127

1 Maliban na lang kung si Yahweh ang magtatayo ng bahay, walang saysay ang trabaho ng mga nagtayo nito. Maliban na lang na si Yahweh ang magbabantay ng lungsod, walang saysay ang pagbabantay ng mga tagapagbantay nito. 2 Walang saysay na ikaw ay gumising ng maaga at umuwi nang gabing-gabi, o kainin ang tinapay na pinaghirapan, dahil si Yahweh ang nagbibigay ng pinakaaasam na tulog. 3 Masdan mo, ang mga bata ay isang pamana mula kay Yahweh at ang bunga ng sinapupunan ay isang gantimpala mula sa kaniya. 4 Tulad ng mga palaso sa kamay ng isang mandirigma, gayundin ang mga anak ng iyong kabataan. 5 Mapalad ang taong puno ang kaniyang talangga ng palaso. Hindi siya malalagay sa kahihiyan kapag hinarap niya ang kaniyang mga kaaway sa tarangkahan.

Chapter 128

1 Mapalad ang lahat ng nagpaparangal kay Yahweh, siyang lumalakad sa kaniyang kaparaanan. 2 Kung ano ang ibinigay ng iyong mga kamay, ikaw ay masisiyahan; ikaw ay pagpapalain at mananagana. 3 Ang iyong asawang babae ay tulad ng mabungang ubasan sa iyong tahanan; at ang iyong mga anak ay magiging tulad ng tanim ng olibo habang sila ay nakaupo sa palibot sa iyong lamesa. 4 Oo, tunay nga, ang tao ay pagpapalain, siyang nagpaparangal kay Yahweh. 5 Nawa pagpalain ka ni Yahweh mula sa Sion; nawa makita mo ang kasaganahan ng Jerusalem sa lahat ng araw ng iyong buhay. 6 Nawa mabuhay ka para makita ang anak ng iyong mga anak. Kapayapaan nawa ang makamtan ng Israel.

Chapter 129

1 "Mula pa ng aking kabataan madalas akong lusubin nila," hayaang sabihin ng Israel. 2 "Mula pa ng aking kabataan, nilusob nila ako, pero hindi nila ako natalo. 3 Inararo ng mga mang-aararo ang aking likuran; gumawa sila ng mahabang ukit na daan. 4 Si Yahweh ay matuwid, pinutol niya ang mga lubid ng masama." 5 Nawa malagay silang lahat sa kahihiyan at tumalikod silang mga napopoot sa Sion. 6 Nawa maging tulad sila ng mga damo na nasa bubungan na nalalanta bago pa ito lumago, 7 na hindi na maaaring punuin ang kamay ng manggagapas o ang dibdib nilang nagtatali ng mga bungkos. 8 Nawa huwag sabihin ng mga dumadaan, "Nawa ang pagpapala ni Yahweh ay sumainyo; pinagpapala namin kayo sa pangalan ni Yahweh."

Chapter 130

1 Yahweh, mula sa kailaliman ako ay umiiyak sa iyo. 2 Panginoon, pakinggan mo ang aking boses; hayaan ang iyong mga tainga na tumuon sa aking mga pagsusumamo ng iyong awa. 3 Yahweh, kung tatandaan mo ang mga kasamaan, Panginoon, sino ang makatatagal? 4 Pero mayroong kapatawaran sa iyo, para ikaw ay sambahin. 5 Naghihintay ako para kay Yahweh, naghihintay ang aking kaluluwa, at sa kaniyang salita ako ay umaasa. 6 Naghihintay ang aking kaluluwa para sa Panginoon ng higit kaysa sa tagabantay na naghihintay na mag-umaga. 7 O Israel, umasa ka kay Yahweh. Si Yahweh ay maawain, at siya ay labis na nagnanais magpatawad. 8 Siya ang tutubos sa Israel mula sa lahat ng kanilang mga kasalanan.

Chapter 131

1 Yahweh, ang aking puso ay hindi nagmamalaki o aking mga mata ay hindi nagmamataas, wala akong matataas na pangarap para sa aking sarili o pag-aalala sa mga bagay na hindi ko naaabot. 2 Tunay nga na pinanatili ko at pinatahimik ang aking kaluluwa; tulad ng batang nawalay na sa kaniyang ina, ang aking kaluluwa ay nasa loob ko tulad ng isang batang nawalay na. 3 Israel, umasa ka kay Yahweh ngayon at magpakailanman.

Chapter 132

1 Yahweh, para sa kapakanan ni David alalahanin mo ang lahat ng kaniyang paghihirap. 2 Alalahanin mo kung paano siya nangako kay Yahweh, paano siya namanata sa Makapangyarihang Diyos ni Jacob. 3 Sinabi niya, "Hindi ako papasok sa aking bahay o pupunta sa aking higaan, 4 hindi ko bibigyan ng tulog ang aking mga mata o pagpapahingahin ang aking mga talukap 5 hanggang mahanap ko ang lugar para kay Yahweh, isang tabernakulo para sa Makapangyarihang Diyos ni Jacob." 6 Tingnan mo, narinig namin ang tungkol dito sa Efrata; natagpuan namin ito sa bukirin ng Jaar. 7 Pupunta kami sa tabernakulo ng Diyos; sasamba kami sa kaniyang tuntungan. 8 Bumangon ka Yahweh; pumunta ka sa lugar ng iyong kapahingahan. 9 Nawa ang iyong mga pari ay madamitan ng katapatan; nawa ang siyang tapat sa iyo ay sumigaw para sa kagalakan. 10 Para sa kapakanan ng iyong lingkod na si David, huwag kang tumalikod mula sa hinirang mong hari. 11 Nangako si Yahweh na magiging matapat kay David; hindi siya tatalikod mula sa kaniyang pangako: "Ilalagay ko ang isa sa iyong mga kaapu-apuhan sa iyong trono. 12 Kung pananatilihin ng iyong mga anak ang aking tipan at ang mga batas na ituturo ko sa kanila, ang kanilang mga anak ay mauupo rin sa iyong trono magpakailanman." 13 Totoong pinili ni Yahweh ang Sion; siya ay ninais niya para sa kaniyang upuan. 14 Ito ang aking lugar ng kapahingahan magpakailanman; mamumuhay ako rito, dahil ninais ko siya. 15 Pagpapalain ko siya ng masaganang pagpapala; Papawiin ko ang kaniyang kahirapan sa pamamagitan ng tinapay. 16 Dadamitan ko ang kaniyang mga pari ng kaligtasan; ang mga tapat sa kaniya ay sisigaw ng malakas para sa kagalakan. 17 Doon palalakihin ko ang sungay ni David; inilagay ko ang lampara doon para sa hinirang ko. 18 Dadamitan ko ang kaniyang mga kaaway na may kahihiyan, pero ang kaniyang korona ay magniningning.

Chapter 133

1 Masdan niyo, napakabuti at kaaya-aya para sa mga kapatiran na sama-samang manatili ng may pagkakaisa! 2 Tulad ito ng mamahaling langis sa ulo na dumaloy pababa sa balbas ni Aaron, na dumaloy sa kaniyang mga kasuotan. 3 Tulad ito ng hamog sa Hermon, na bumababa sa bundok ng Sion. Dahil doon nag-utos si Yahweh ng pagpapala, buhay magpakailanman.

Chapter 134

1 Halikayo, pagpalain si Yawheh, lahat kayong mga lingkod ni Yahweh, kayong mga naglilingkod sa tahanan ni Yahweh tuwing gabi. 2 Itaas ninyo ang inyong mga kamay sa banal na lugar at pagpalain si Yahweh. 3 Nawa pagpalain kayo ni Yahweh mula sa Sion, siya na gumawa ng langit at lupa.

Chapter 135

1 Purihin si Yahweh. Purihin ang pangalan ni Yahweh, Purihin siya, kayong mga lingkod ni Yahweh, 2 kayong mga nakatayo sa tahanan ni Yahweh, sa mga patyo ng tahanan ng ating Diyos. 3 Purihin si Yahweh, dahil siya ay mabuti; umawit ng mga papuri sa kaniyang pangalan, dahil ito ay nakalulugod na gawin. 4 Dahil pinili ni Yahweh si Jacob para sa kaniyang sarili, ang Israel bilang kaniyang pag-aari. 5 Alam kong si Yahweh ay dakila, na ang ating Panginoon ay mataas sa lahat ng diyos. 6 Kahit na anong naisin ni Yahweh, ginagawa niya sa langit, sa lupa, sa dagat at sa kailaliman ng karagatan. 7 Inilagay niya ang mga ulap mula sa malayo, na gumagawa ng lumiliwanag na kidlat kasama ng ulan at nagdadala ng hangin mula sa kaniyang imbakan. 8 Pinatay niya ang panganay na anak ng Ehipto, maging tao at mga hayop. 9 Nagpadala siya ng mga tanda at mga kababalaghan sa inyong kalagitnaan, Ehipto, laban sa Paraon at sa lahat ng kaniyang mga lingkod. 10 Maraming bansa ang nilusob niya at pinatay ang malalakas na hari, 11 sina Sihon hari ng Amoreo at Og hari ng Bashan at lahat ng kaharian sa Canaan. 12 Ibinigay niya ang kanilang mga lupain para ipamana, isang pamana sa kaniyang bayang Israel. 13 Yahweh, ang iyong pangalan ay mananatili magpakailanman; Yahweh, ang iyong katanyagan ay mananatili sa lahat ng henerasyon. 14 Dahil ipinagtatanggol ni Yahweh ang kaniyang bayan at may habag siya sa kaniyang mga lingkod. 15 Ang mga bansa ng mga diyos-diyosan ay pilak at ginto, gawa sa kamay ng mga tao. 16 Ang mga diyos-diyosan ay may mga bibig, pero hindi sila nagsasalita; mayroon silang mga mata, pero hindi nakakikita; 17 mayroon silang mga tainga, pero hindi nakaririnig, ni hininga ay wala sa kanilang mga bibig. 18 Ang mga gumagawa sa kanila ay tulad din nila, gaya ng lahat ng nagtitiwala sa kanila. 19 Mga kaapu-apuhan ng Israel, purihin ninyo si Yahweh; mga kaapu-apuhan ni Aaron, purihin ninyo si Yahweh. 20 Mga kaapu-apuhan ni Levi, purihin ninyo si Yahweh; kayong nagpaparangal kay Yahweh, purihin ninyo si Yahweh. 21 Purihin ninyo si Yahweh sa Sion, siyang naninirahan sa Jerusalem. Purihin si Yahweh.

Chapter 136

1 O, magpasalamat kay Yahweh; dahil siya ay mabuti, dahil ang kaniyang katapatan sa tipan ay mananatili magpakailanman. 2 O, magpasalamat sa Diyos ng mga diyos, dahil ang kaniyang katapatan sa tipan ay mananatili magpakailanman. 3 O, magpasalamat sa Panginoon ng mga panginoon, dahil ang kaniyang katapatan sa tipan ay mananatili magpakailanman. 4 Sa kaniya na nag-iisang gumagawa ng labis na kamanghaan, dahil ang kaniyang katapatan sa tipan ay mananatili magpakailanman— 5 sa kaniyang karunungan ginawa ang kalangitan, dahil ang kaniyang katapatan sa tipan ay mananatili magpakailanman— 6 sa kaniya na nagkalat ng lupa sa ibabaw ng katubigan, dahil ang kaniyang katapatan sa tipan ay mananatili magpakailanman— 7 sa kaniya na gumawa ng kahanga-hangang mga liwanag, dahil ang kaniyang katapatan sa tipan ay mananatili magpakailanman— 8 ng araw na naghahari sa umaga, dahil ang kaniyang katapatan sa tipan ay mananatili magpakailanman— 9 ng buwan at bituin na naghahari sa gabi, dahil ang kaniyang katapatan sa tipan ay mananatili magpakailanman— 10 na siyang pumatay sa mga panganay na anak ng Ehipto, dahil ang kaniyang katapatan sa tipan ay mananatili magpakailanman— 11 at naglabas sa Israel mula sa kanila, dahil ang kaniyang katapatan sa tipan ay mananatili magpakailanman— 12 na may malakas na kamay at nakataas na braso, dahil ang kaniyang katapatan sa tipan ay mananatili magpakailanman— 13 na siyang naghati sa dagat na Pula dahil ang kaniyang katapatan sa tipan ay mananatili magpakailanman— 14 at nagawang padaanin ang Israelita sa kalagitnaan nito, dahil ang kaniyang katapatan sa tipan ay mananatili magpakailanman— 15 pero ipinatapon ang Paraon at ang kaniyang hukbo sa dagat na Pula, dahil ang kaniyang katapatan sa tipan ay mananatili magpakailanman— 16 siya na nagdala sa kaniyang bayan sa ilang, dahil ang kaniyang katapatan sa tipan ay mananatili magpakailanman— 17 siya na nagpapatay sa mga dakilang hari, dahil ang kaniyang katapatan sa tipan ay mananatili magpakailanman— 18 at pinatay ang tanyag na mga hari, dahil ang kaniyang katapatan sa tipan ay mananatili magpakailanman— 19 sina Sihon hari ng mga Amoreo, dahil ang kaniyang katapatan sa tipan ay mananatili magpakailanman— 20 at Og hari ng Bashan, dahil ang kaniyang katapatan sa tipan ay mananatili magpakailanman— 21 at binigay ang kanilang lupain bilang pamana, dahil ang kaniyang katapatan sa tipan ay mananatili magpakailanman— 22 isang pamana sa Israel na kaniyang lingkod, dahil ang kaniyang katapatan sa tipan ay mananatili magpakailanman— 23 siyang umalala sa atin at tumulong sa ating kahihiyan, dahil ang kaniyang katapatan sa tipan ay nananatili magpakailanman— 24 at siyang nagbigay sa atin ng katagumpayan sa ating mga kaaway, dahil ang kaniyang katapatan sa tipan ay nananatili magpakailanman— 25 siyang nagbibigay ng pagkain sa lahat ng nabubuhay, dahil ang kaniyang katapatan sa tipan ay nananatili magpakailanman. 26 O, magpasalamat sa Diyos sa langit, dahil ang kaniyang katapatan sa tipan ay nananatili magpakailanman.

Chapter 137

1 Kami ay naupo sa tabi ng ilog ng Babilonia at umiyak nang aming naisip ang tungkol sa Sion. 2 Sa mga puno ng alamo namin isinabit ang aming mga alpa. 3 Doon ang aming mga manlulupig ay pinakanta kami, at silang mga nangutya sa amin ay inatasan kaming maging masaya, sinasabing, "Awitan niyo kami ng isa sa mga awit ng Sion." 4 Paano kami makakakanta ng isang awitin tungkol kay Yahweh sa isang dayuhang lupain? 5 Jerusalem, kung aking babalewalain ang alaala mo, hayaan mo ang aking kanang kamay na makalimutan ang kaniyang kakayahan. 6 Hayaan mo ang aking dila na kumapit sa aking ngalangala kung hindi na kita muling iisipin pa, kung hindi ko gugustuhin na ang Jerusalem ang maging aking pinakadakilang kasiyahan. 7 Alalahanin mo, Yahweh, kung ano ang ginawa ng mga Edomita noong araw na bumagsak ang Jerusalem. Sinabi nila, "Wasakin ito, wasakin ito hanggang sa pundasyon nito." 8 Anak na babae ng Babilonia, na malapit na ang pagkawasak— nawa ang tao ay pagpalain, kung sinuman ang magbalik ng kabayaran sa kung ano ang iyong ginawa sa amin. 9 Nawa ang taong iyon ay pagpalain, sinuman ang kumuha at nagpira-piraso ng inyong maliliit na anak sa bato.

Chapter 138

1 Magpapasalamat ako sa iyo ng buong puso; aawitan kita ng mga papuri sa harap ng mga diyos-diyosan. 2 Luluhod ako sa iyong banal na templo at magpapasalamat sa iyong ngalan para sa katapatan sa tipan at sa iyong pagiging mapagkakatiwalaan. Dinakila mo ang iyong salita at iyong pangalan higit sa lahat. 3 Sa araw na tumawag ako sa iyo, sinagot mo ako; pinalakas mo ang aking loob at ang aking kaluluwa. 4 Yahweh, lahat ng hari sa mundo ay magpapasalamat sa iyo dahil maririnig nila ang mga salita ng iyong bibig. 5 Tunay nga na aawitin nila ang mga ginawa ni Yahweh, dahil dakila ang kaluwalhatian ni Yahweh. 6 Kahit na mataas si Yahweh, sa mga mabababa siya nag-aaruga, pero malayo sa kaniya ang mga mapagmalaki. 7 Kahit na lumakad ako sa kalagitnaan ng kapamahakan, pangangalagaan mo ang aking buhay; iuunat mo ang iyong kamay laban sa galit ng aking mga kaaway, at ililigtas ako ng iyong kanang kamay. 8 Kasama ko si Yahweh hanggang sa huli; Yahweh panatilihin mo ang iyong katapatan sa tipan magpakailanman; huwag mong pabayaan ang mga nilikha ng iyong mga kamay.

Chapter 139

1 Yahweh, sinayasat mo ako at kilala. 2 Alam mo kung kailan ako uupo at babangon; kahit malayo ka sa akin nauunawaan mo ang aking saloobin. 3 Minamasdan mo ang aking daan at kapag ako ay nahihiga; alam mo ang lahat sa aking pamumuhay. 4 Yahweh, wala akong sinasabi na hindi mo lubos na alam. 5 Sa likuran at harapan ay nandoon ang iyong mga kamay sa akin. 6 Ang ganoong kaalaman ay labis para sa akin; ito ay labis na mataas at hindi ko ito kayang maunawaan. 7 Saan ako maaaring pumunta para makatakas mula sa iyong Espiritu? Saan ako makakalayo mula sa iyong presensiya? 8 Kung aakyat ako sa kalangitan, naroon ka; kung gagawa ako ng higaan sa sheol, makikita na naroon ka. 9 Kung lilipad ako palayo sa mga pakpak ng umaga at pupunta para mamuhay sa pinakamalayong mga bahagi sa kabila ng karagatan, 10 kahit doon ang iyong kamay ang aakay sa akin, at ang iyong kanang kamay ang hahawak sa akin. 11 Kung sasabihin ko, "Tiyak na itatago ako ng kadiliman at ang gabi ang aking magiging liwanag;" 12 hindi makakapagtago kahit ang kadiliman mula sa iyo. Lumiliwanag ang gabi tulad ng umaga, dahil ang kadiliman at liwanag ay magkatulad sa iyo. 13 Ikaw ang humulma sa aking pagkatao; ikaw ang humulma sa akin sa sinapupunan ng aking ina. 14 Magpapasalamat ako sa iyo, dahil ang iyong mga gawa ay kahanga-hanga at kamangha-mangha. Alam na alam mo ang aking buhay. 15 Ang aking katawan ay hindi naitago mula sa iyo noong ako ay lihim na binuo, noong ako ay magulong nilikha sa kailaliman ng mundo. 16 Nakita mo ako sa loob ng sinapupunan; ang lahat ng araw na nakatalaga para sa akin ay nakatala sa iyong libro kahit bago pa ito ang unang nangyari. 17 Napakahalaga ng iyong kaisipan sa akin, O Diyos! Napakalawak ng kanilang kabuuan. 18 Kung susubukan ko itong bilangin, sila ay higit pa sa bilang ng mga buhangin. Sa aking paggising, ako ay nasa iyo pa rin. 19 Kung iyo lamang papatayin ang masasama, O Diyos; lumayo sa akin, ikaw na marahas na tao. 20 Sila ay naghihimagsik laban sa iyo at kumikilos nang may pandaraya; ang iyong mga kaaway ay nagsisinungaling. 21 Hindi ko ba kapopootan ang mga napopoot sa iyo, Yahweh? Hindi ko ba kasusuklaman silang lumalaban sa iyo? 22 Lubos ko silang kinapopootan; sila ay naging mga kaaway ko. 23 Siyasatin mo ako, O Diyos, at kilalanin mo ang aking puso; subukin mo ako at alamin ang aking saloobin. 24 Tingnan mo kung mayroong masamang paraan sa akin, at pangunahan mo ako sa daan ng walang hanggan.

Chapter 140

1 Yahweh, sagipin mo ako mula sa masama; pangalagaan mo ako mula sa mararahas na mga tao. 2 Nagpaplano sila ng kasamaan sa kanilang mga puso; sila ang pasimuno ng hindi pagkakasundo araw-araw. 3 Ang kanilang dila ay nakakasugat tulad ng mga ahas, ang lason ng ulupong ay nasa kanilang mga labi. Selah 4 Ilayo mo ako sa mga kamay ng masasama, Yahweh; pangalagaan mo ako sa mararahas na mga tao na nagpaplano na patumbahin ako. 5 Ang mapagmalaki ay naghanda ng patibong para sa akin; nagkalat sila ng lambat; naghanda sila ng silo para sa akin. Selah 6 Sinabi ko kay Yahweh, "Ikaw ang aking Diyos; makinig ka sa aking mga paghingi ng awa." 7 Yahweh, aking Panginoon, ikaw ay malakas para magligtas; sa araw ng labanan nilagyan mo ng panangga ang aking ulo. 8 Yahweh, huwag mong ipagkaloob ang nais ng masasama; huwag mong hayaan ang kanilang mga plano na magtagumpay. Selah. 9 Silang mga nakapalibot sa akin ay itiningala ang kanilang mga ulo; hayaan mo silang tabunan ng kalokohan ng kanilang labi. 10 Hayaan mong bumagsak ang nagbabagang mga uling sa kanila; itapon mo sila sa apoy, sa napakalalim na hukay, na hindi na kailanman makakabangon. 11 Nawa ang sinumang nagsasabi ng masasamang mga bagay tungkol sa iba ay hindi mailigtas sa mundo; nawa hanapin ng kasamaan ang mararahas para ibagsak siya. 12 Alam kong si Yahweh ang magpapanatili ng kapakanan ng mga nasaktan, at siyang magpapatuloy ng katarungan para sa mga nangangailangan. 13 Tiyak na ang mga makatuwiran ay magpapasalamat sa ngalan mo; ang matutuwid na mga tao ay mamumuhay sa iyong presensya.

Chapter 141

1 Yahweh, ako ay tumatawag sa iyo; lumapit ka agad sa akin. Makinig ka sa akin kapag tumawag ako sa iyo. 2 Nawa ang aking panalangin ay maging gaya ng insenso sa harapan mo; nawa ang nakataas kong mga kamay ay maging katulad ng alay sa gabi. 3 Yahweh, maglagay ka ng isang bantay sa aking bibig; bantayan mo ang pintuan ng aking mga labi. 4 Huwag mong hayaan ang aking puso na magnais ng kahit anong masamang bagay o sumama sa makasalanang mga gawain kasama ang mga taong kumikilos ng masama. Nawa ang kanilang masarap na pagkain ay hindi ko kainin. 5 Hayaan mong saktan ako ng taong matuwid; ito ay isang kabutihan sa akin. Hayaan mo siyang itama ako; ito ay magiging gaya ng langis sa aking ulo; nawa hindi ito tanggihan ng aking ulo. Pero ang aking panalangin ay palaging laban sa mga gawa ng masasama. 6 Ang kanilang mga pinuno ay ihuhulog mula sa itaas ng bangin; maririnig nila na aking sariling mga salita ay kaaya-aya. 7 Kanilang sasabihin, "Gaya ng isang nag-aararo at nagbubungkal ng lupa, gayundin ang ating mga buto na kakalat sa bibig ng sheol." 8 Tiyak na ang aking mga mata ay nasa iyo, Yahweh, Panginoon; sa iyo ako nagkukubli; huwag mong iwanan ang aking kaluluwa ng walang pagtatanggol. 9 Pangalagaan mo ako mula sa mga bitag na kanilang inilatag para sa akin, mula sa mga patibong ng mga gumagawa ng masama. 10 Hayaan mong mahulog ang masasama sa kanilang sariling lambat habang ako ay tumatakas.

Chapter 142

1 Gamit ang aking boses ako ay tumatawag kay Yahweh; nagsumamo ako gamit ang aking boses kay Yahweh. 2 Ibinuhos ko ang aking pagdadalamhati sa harap niya; sinabi ko sa kaniya ang aking mga kaguluhan. 3 Kapag nanghina ang aking espiritu, alam mo ang aking landas. Sa aking paglalakad sila ay nagtago ng patibong para sa akin. 4 Tumingin ako sa aking kanan at nakita na walang sinuman ang nagmamalasakit sa akin. Hindi na ako makakatakas; walang nag-aalala sa aking buhay. 5 Ako ay tumawag sa iyo, Yahweh; at sinabi, " Ikaw ang aking kublihan, ang aking bahagi sa lupain ng mga buhay. 6 Makinig ka sa aking tawag, dahil napakalungkot ko; sagipin mo ako mula sa aking mga taga-usig, dahil sila ay mas malakas kaysa sa akin. 7 Ilabas mo ang aking kaluluwa mula sa kulungan para ako ay makapagpasalamat sa iyong pangalan. Ang matutuwid ay magtitipon sa aking paligid dahil ikaw ay naging mabuti sa akin."

Chapter 143

1 Dinggin mo ang aking panalangin, Yahweh; makinig ka sa aking pagsamo. Dahil sa iyong katapatan at katuwiran, sagutin mo ako! 2 Huwag mong hatulan ang iyong lingkod, dahil walang matuwid sa iyong paningin. 3 Hinangad ng kaaway ang aking kaluluwa; ako ay kaniyang ibinaon sa lupa; pinatira niya ako sa kadiliman tulad ng mga matagal ng namatay. 4 Ang aking espiritu ay nanglulupaypay; ang aking puso ay nawalan ng pag-asa. 5 Inalala ko ang nakalipas, nagnilay ako sa iyong mga gawa; nagmuni-muni ako sa iyong mga katagumpayan. 6 Itinataas ko ang aking mga kamay sa iyo sa panalangin; ang aking kaluluwa ay nananabik sa iyo sa isang tuyong lupain. Selah. 7 Yahweh, sumagot ka agad sa akin dahil ang aking espiritu ay nanghihina. Huwag mong itago ang iyong mukha sa akin, o ako ay magiging gaya ng mga bumaba sa hukay. 8 Hayaan mong marinig ko ang iyong katapatan sa tipan sa umaga, dahil nagtitiwala ako sa iyo. Ipakita mo sa akin ang daan kung saan ako dapat lumakad, dahil itinataas ko ang aking kaluluwa sa iyo. 9 Sagipin mo ako mula sa aking mga kaaway, Yahweh; ako ay tumakas sa iyo para magtago. 10 Turuan mo ako na gawin ang iyong kalooban dahil ikaw ang aking Diyos. Nawa ang iyong mabuting Espiritu ay pangunahan ako sa lupain ng katuwiran. 11 Yahweh, para sa kapakanan ng ngalan mo, panatilihin mo akong buhay; sa iyong katuwiran ilayo mo ang aking kaluluwa sa kaguluhan. 12 Sa iyong katapatan sa tipan alisin mo ang aking mga kaaway at wasakin ang lahat ng mga kaaway ng aking buhay dahil ako ay iyong lingkod.

Chapter 144

1 Purihin si Yahweh, aking muog, na siyang nagsasanay ng aking mga kamay para sa digmaan at sa aking mga daliri para sa labanan. 2 Ikaw ang aking katapatan sa tipan at aking tanggulan, ang aking matayog na tore at siyang sumasagip sa akin, ang aking pananggalang at siyang aking kanlungan, na siyang nagpasuko ng mga bayan sa ilalim ko. 3 Yahweh, ano ang tao na nakukuha niya ang iyong pansin o sa anak ng tao na iniisip mo ang tungkol sa kaniya? 4 Ang tao ay gaya ng isang hininga, ang kaniyang mga araw ay gaya ng isang dumaraang anino. 5 Yahweh, palubugin mo ang kalangitan at bumaba ka; hawakan mo ang mga bundok at pausukin sila. 6 Magpadala ka ng mga kislap ng kidlat at bulabugin mo ang aking mga kaaway; pakawalan mo ang iyong palaso at ibalik sila sa kaguluhan. 7 Iabot mo ang iyong kamay mula sa itaas, sagipin mo ako sa maraming tubig mula sa mga kamay ng mga dayuhan. 8 Ang kanilang mga bibig ay nagsisinungaling, at ang kanilang kanang kamay ay kabulaanan. 9 Ako ay aawit ng bagong awitin sa iyo, O Diyos; sa isang alpa na may sampung kwerdas, aawitan kita ng mga papuri. 10 Nagbigay ka ng kaligtasan sa mga hari; sinagip mo si David na iyong lingkod mula sa masamang espada. 11 Sagipin mo ako at palayain mula sa mga kamay ng mga dayuhan. Ang kanilang mga bibig ay nagsisinungaling, at ang kanilang kanang kamay ay kabulaanan. 12 Nawa ang aming mga anak na lalaki ay maging tulad ng halaman na lumago ng buong laki sa kanilang kabataan at ang mga anak na babae ay tulad ng inukit na sulok na poste, na may magandang hubog gaya ng mga nasa palasyo. 13 Nawa ang ating kamalig ay mapuno ng sari-saring bunga, at ang ating tupa ay manganak ng libo-libo sa ating mga bukirin. 14 Pagkatapos ang ating mga baka ay magkakaroon ng maraming anak. Walang sinuman ang makakasira ng ating mga pader; doon ay walang taong itatapon at hihiyaw sa aming mga lansangan. 15 Mapalad ang mga tao na may ganitong mga pagpapala; maligaya ang tao na ang Diyos ay si Yahweh.

Chapter 145

1 Ipagbubunyi kita, aking Diyos na Hari; pupurihin ko ang iyong pangalan magpakailanman. 2 Araw-araw pupurihin kita, pupurihin ko ang ngalan mo magpakailanman. 3 Dakila si Yahweh at karapat-dapat na papurihan; ang kaniyang kadakilaan ay hindi matatagpuan. 4 Ang isang henerasyon ay papupurihan ang iyong mga gawa hanggang sa mga susunod at ipahahayag ang iyong makapangyarihang mga gawa. 5 Magninilay ako sa katanyagan ng iyong kaluwalhatian at sa iyong kahanga-hangang mga gawa. 6 Sila ay magsasalita tungkol sa iyong makapangyarihang mga gawa; ipahahayag ko ang iyong kaluwalhatian. 7 Ihahayag nila ang iyong masaganang kabutihan, at sila ay aawit tungkol sa iyong katuwiran. 8 Mapagbigay-loob at maawain si Yahweh, hindi mabilis magalit at sagana sa katapatan sa tipan. 9 Si Yahweh ay mabuti sa lahat, ang kaniyang mapagmahal na awa ay nasa kaniyang mga gawa. 10 Yahweh, ang lahat ng iyong nilikha ay magpapasalamat sa iyo; silang matatapat sa iyo ay pagpapalain ka. 11 Silang matatapat sa iyo ay magsasalita ng kaluwalhatian ng iyong kaharian, at sila ay magsasabi ng iyong kapangyarihan. 12 Kanilang ipapakilala ang makapangyarihang mga gawa ng Diyos sa sangkatauhan at ang maluwalhating kadakilaan ng kaniyang kaharian. 13 Ang iyong kaharian ay walang hanggang kaharian, at ang iyong kapangyarihan ay mananatili sa lahat ng henerasyon. 14 Itinataguyod ni Yahweh ang lahat ng bumabagsak at ibinabangon silang mga nanghihinang loob. 15 Ang mga mata ng lahat ay naghihintay para sa iyo; ibinigay mo sa tamang oras ang kanilang pagkain. 16 Binuksan mo ang iyong kamay at pinupunan ang nais ng bawat may buhay. 17 Si Yahweh ay matuwid sa lahat ng kaniyang kaparaanan at mapagbigay-loob sa lahat ng kaniyang ginagawa. 18 Si Yahweh ay malapit sa lahat ng mga tumatawag sa kaniya, ang lahat ng tumatawag sa kaniya ng may pagtitiwala. 19 Tinutupad niya ang nais na mga nagpaparangal sa kaniya; dinidinig niya ang kanilang iyak at inililigtas sila. 20 Pinagmamasdan ni Yahweh ang lahat ng nagmamahal sa kaniya, pero siya ang wawasak sa lahat ng masasama. 21 Sasabihin ng aking bibig ang papuri kay Yahweh; hayaang pagpalain ng sanlibutan ang kaniyang banal na pangalan magpakailanman.

Chapter 146

1 Purihin si Yahweh. Aking kaluluwa, purihin si Yahweh. 2 Ako ay magpupuri kay Yahweh habang ako ay nabubuhay; ako ay aawit ng mga papuri sa aking Diyos habang ako ay nabubuhay. 3 Huwag mong ilagay ang iyong pagtitiwala sa mga prinsipe o sa sangkatauhan, kung saan walang kaligtasan. 4 Kapag ang hininga ng isang tao ay huminto, siya ay bumabalik sa lupa; sa araw na iyon matatapos ang kaniyang mga plano. 5 Mapalad siya na may Diyos ni Jacob para tulungan siya, na ang pag-asa ay na kay Yahweh na kaniyang Diyos. 6 Nilikha ni Yahweh ang langit at lupa, ang dagat, at ang lahat ng mayroon sila; kaniyang pinagmamasdan ang pagiging mapagkakatiwalaan magpakailanman. 7 Siya ang nagpapatupad ng katarungan sa mga inaapi at nagbibigay ng pagkain sa nagugutom. Pinapalaya ni Yahweh ang mga bilanggo; 8 minumulat ni Yahweh ang mga mata ng bulag; ibinabangon ni Yahweh ang mga nalulugmok; iniibig ni Yahweh ang mga matutuwid. 9 Inaalagaan ni Yahweh ang mga dayuhan sa lupain; kaniyang pinapasan ang mga walang ama at mga balo, pero siya ang sumasalungat sa masasama. 10 Si Yahweh na iyong Diyos, ang maghahari magpakailanman, Sion, para sa lahat ng henerasyon. Purihin si Yahweh.

Chapter 147

1 Purihin si Yahweh! Mabuting umawit sa ating Diyos. Kasiya-siya at nararapat lang na gawin ito. 2 Nawasak ang Jerusalem, pero tinutulungan tayo ni Yahweh na itayo ulit ito. 3 Ibinabalik niya ang mga taong dinala sa ibang bayan. Pinalalakas niya ulit ang mga pinanghihinaan ng loob at pinagagaling ang kanilang mga sugat. 4 Siya ang lumikha ng mga bituin. 5 Dakila at makapangyarihan si Yahweh, at walang kapantay ang kaniyang karunungan. 6 Itinataas ni Yahweh ang mga inaapi, at ibinababa niya ang mga masasama. 7 Umawit kay Yahweh ng may pasasalamat; gamit ang alpa, umawit ng papuri para sa ating Diyos. 8 Tinatakpan niya ang kalangitan ng mga ulap at hinahanda ang ulan para sa lupa, na nagpapalago ng mga damo sa mga kabunkukan. 9 Binibigyan niya ng pagkain ang mga hayop at mga inakay na uwak kapag sila ay umiiyak. 10 Hindi siya humahanga sa bilis ng kabayo o nasisiyahan sa lakas ng binti ng isang tao. 11 Nasisiyahan si Yahweh sa mga nagpaparangal sa kaniya, sa mga umaasa sa katapatan niya sa tipan. 12 Purihin niyo si Yahweh, kayong mga mamamayan ng Jerusalem! Purihin niyo ang inyong Diyos, Sion. 13 Dahil pinalalakas niya ang rehas ng inyong mga tarangkahan, pinagpapala niya ang mga batang kasama ninyo. 14 Pinagyayaman niya ang mga nasa loob ng inyong hangganan, pinasasaya niya kayo sa pamamagitan ng pinakamaiinam na trigo. 15 Pinadadala niya ang kaniyang kautusan sa mundo, dumadaloy ito nang maayos. 16 Ginagawa niyang parang nyebe ang lana, pinakakalat niya ang mga yelo na parang abo. 17 Nagpapaulan siya ng yelo na parang mumo, sinong makatitiis ng ginaw na pinadala niya? 18 Ipinahahayag niya ang kaniyang utos at tinutunaw ito, pina-iihip niya ang hangin at pinadadaloy niya ang tubig. 19 Ipinahayag niya ang kaniyang salita kay Jacob, ang mga alituntunin niya at makatuwirang mga utos sa Israel. 20 Hindi niya ginawa ito sa ibang bayan, wala silang alam sa kaniyang mga utos. Purihin si Yahweh.

Chapter 148

1 Purihin si Yahweh. Purihin niyo si Yahweh, kayo na nasa kalangitan; purihin niyo si Yahweh, kayo na nasa kaitaas-taasan. 2 Purihin niyo siya, lahat kayong mga anghel; purihin niyo siya, lahat kayong mga hukbo ng anghel. 3 Purihin niyo siya, araw at buwan; purihin niyo siya, kayong mga nagniningning na bituin. 4 Purihin niyo siya, kayong pinakamataas na kalangitan at kayong mga katubigan sa kaulapan. 5 Hayaan silang purihin ang pangalan ni Yahweh, dahil binigay niya ang utos at sila ay nalikha. 6 Itinatag niya rin sila magpakailanman; nagbigay siya ng utos na hindi magbabago. 7 Purihin si Yahweh mula sa mundo, kayong mga hayop sa lahat ng karagatan, 8 apoy at yelo, nyebe at mga ulap, malakas na hangin, sa pagtupad ng kaniyang salita, 9 mga bundok at mga burol, mga bungang-kahoy at lahat ng sedar, 10 mga mabangis at maamong hayop, mga hayop na gumagapang at mga ibon, 11 mga hari sa mundo at lahat ng bansa, mga prinsipe at lahat ng namamahala sa lupa, 12 mga binata at dalaga, mga nakatatanda at mga bata. 13 Hayaang silang purihin ang pangalan ni Yahweh dahil ang pangalan niya lamang ang itinatanghal at ang kaniyang kadakilaan ay bumabalot sa buong mundo at kalangitan. 14 Itinaas niya ang tambuli ng kaniyang bayan para sa pagpupuri mula sa kaniyang mga tapat na lingkod, mga Israelita, mga taong malapit sa kaniya. Purihin si Yahweh.

Chapter 149

1 Purihin si Yahweh! Umawit ng bagong awit para kay Yahweh; purihin siya sa pagtitipon ng mga tapat! 2 Hayaang magdiwang ang Israel sa kaniya na ginawa silang isang bayan; magdiwang ang mga mamamayan ng Sion sa kanilang hari. 3 Purihin nila ang kaniyang pangalan na may sayawan; umawit sila ng papuri sa kaniya nang may tamburin at alpa. 4 Dahil nasisiyahan si Yahweh sa kaniyang bayan; dinadakila niya ang mapagkumbaba ng kaligtasan. 5 Magdiwang ang mga maka-diyos sa tagumpay; umawit sila sa galak sa kanilang mga higaan. 6 Nawa mamutawi sa kanilang mga bibig ang mga papuri para sa Diyos at sa kanilang kamay, isang espadang may magkabilang-talim, 7 para maghiganti sa mga bayan at parusahan ang mga tao. 8 Igagapos nila ang mga hari sa kadena at ang mararangya sa mga bakal na posas. 9 Isasagawa nila ang hatol na nasusulat. Ito ay magiging karangalan para sa mga tapat. Purihin si Yahweh.

Chapter 150

1 Purihin si Yahweh. Purihin ang Diyos sa kaniyang banal na lugar; purihin siya sa matataas na kalangitan. 2 Purihin siya dahil sa kaniyang dakilang mga gawain; purihin siya sa kaniyang kadakilaang walang katumbas. 3 Purihin siya sa ihip ng tambuli; purihin siya gamit ang plawta at alpa. 4 Purihin siya gamit ang tamburin at sayawan; purihin siya gamit ang mga instrumentong may kuwerdas at mga instrumentong hinihipan. 5 Purihin siya gamit ang maiingay na pompyang; purihin siya gamit ang matitinis na pompyang. 6 Purihin si Yahweh ng lahat ng may hininga. Purihin si Yahweh.