JUAN
Chapter 1
1 Sa simula pa lamang ay ang Salita, at ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay Diyos. 2 Itong Salitang ito ay nasa simula pa kasama ng Diyos. 3 Ang lahat nang mga bagay ay nalikha sa pamamagitan niya, at kung wala siya, ay wala kahit isang bagay ang nilikha na nalikha. 4 Sa kaniya ay buhay, at ang buhay na iyon ay liwanag sa lahat ng sangkatauhan. 5 Ang liwanag ay sumisinag sa kadiliman, at ito ay hindi napawi nang kadiliman. 6 May isang lalaki na isinugo mula sa Diyos, na ang pangalan ay Juan. 7 Dumating siya bilang isang saksi upang magpatotoo tungkol sa liwanag, upang ang lahat ay maaaring maniwala sa pamamagitan niya. 8 Hindi si Juan ang liwanag, ngunit naparito upang makapagpatotoo siya tungkol sa liwanag. 9 Iyon ang tunay na liwanag na dumarating sa mundo at iyon ang nagpapaliwanang sa lahat. 10 Siya ay nasa mundo, at ang mundo ay nalikha sa pamamagitan niya, at ang mundo ay hindi nakakakilala sa kaniya. 11 Dumating siya sa kaniyang sariling kababayan, at hindi siya tinanggap ng kaniyang sariling mga kababayan. 12 Ngunit sa kasing-dami nang tumanggap sa kaniya, na naniwala sa kaniyang pangalan, sa kanila niya ipinagkaloob ang karapatang maging mga anak ng Diyos, 13 ipinanganak sila hindi sa pamamagitan nang dugo, ni hindi sa pamamagitan nang kagustuhan ng laman, ni hindi sa pamamagitan nang kagustuhan ng tao, kundi sa pamamagitan ng Diyos. 14 Ngayon ang Salita ay naging laman at namuhay na kasama namin. Nakita namin ang kaniyang kaluwalhatian, kaluwalhatiang katulad ng nasa nag-iisang natatanging katauhan na naparito mula sa Ama, punong-puno ng biyaya at katotohanan. 15 Pinatotohanan ni Juan ang tungkol sa kaniya at sumigaw na nagsasabi, "Siyang sinabi ko sa inyo, 'Ang darating kasunod ko ay mas higit sa akin, sapagkat siya ay nauna sa akin.'" 16 Sapagkat mula sa kaniyang kapuspusan tayong lahat ay nakatanggap ng sunod-sunod na libreng kaloob. 17 Sapagkat ang kautusan ay ibinigay sa pamamagitan ni Moises. Biyaya at katotohanan ay dumating sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. 18 Kailanman, walang tao ang nakakita sa Diyos. Ang isa at nag-iisang katauhan, na mismo ay Diyos, na siyang nasa dibdib ng Ama, nagawa niya siyang maipakilala. 19 Ngayon ito ang patotoo ni Juan nang ang mga Judio ay nagpadala sa kaniya ng mga pari at mga Levita mula sa Jerusalem para tanungin siyang, "Sino ka?" 20 Malaya niyang inilahad, at hindi ikinaila, ngunit tumugon, "Hindi ako ang Cristo." 21 Kaya siya ay tinanong nila, "Ano ka kung gayon? Ikaw ba si Elias?" Sabi niya, "Hindi ako." Sabi nila, "Ikaw ba ang propeta?" Sumagot siya, "Hindi." 22 Pagkatapos ay sinabi nila sa kaniya, "Sino ka, upang may maibigay kaming sagot sa mga nagsugo sa amin? Ano ang masasabi mo tungkol sa iyong sarili?" 23 Sinabi niya, "Ako ang boses ng isang sumisigaw sa ilang: 'Gawin ninyong tuwid ang daraanan ng Panginoon,' gaya nang sinabi ni Isaias na propeta." 24 Ngayong mayroong mga isinugo duon mula sa mga Pariseo. Tinanong nila siya at sinabi sa kaniya, 25 "Kung ganoon bakit ka nagbabautismo kung hindi ikaw ang Cristo, ni hindi si Elias, ni hindi ang propeta?" 26 Tumugon si Juan sa kanila sinasabi, "Nagbabautismo ako ng tubig. Subalit, sa kalagitnaan ninyo ay nakatayo ang isang hindi ninyo nakikilala. 27 Siya ang darating kasunod ko. Hindi ako karapat-dapat na magtanggal ng tali ng kaniyang sandalyas." 28 Ang mga bagay na ito ay nangyari sa Bethania sa kabilang ibayo nang Jordan, kung saan si Juan ay nagbabautismo. 29 Sa sumunod na araw nakita ni Juan na paparating si Jesus sa kaniya at sinabi, "Tingnan ninyo, ayun ang kordero ng Diyos na siyang nag-aalis nang mga kasalanan ng mundo! 30 Siya ang sinabi ko sa inyo na, 'Ang darating kasunod ko ay mas higit sa akin, sapagkat siya ay nauna sa akin.' 31 Hindi ko siya nakilala, ngunit ito ay nangyari upang maihayag siya sa Israel na siyang dahilan na ako ay nagbabautismo ng tubig." 32 Nagpatotoo si Juan, "Nakita ko ang Espiritu na bumababa mula sa langit tulad ng isang kalapati, at ito ay nanatili sa kaniya. 33 Hindi ko siya nakilala, ngunit ang sabi sa akin ng nagsugo sa akin na magbautismo sa tubig, 'Kung kanino mo makikita ang Espiritu na bumababa at nananatili, siya ang magbabautismo ng Banal na Espiritu.' 34 Pareho kong nakita at napatotohanan na ito ang Anak ng Diyos. 35 Muli, sa sumunod na araw, habang si Juan ay nakatayong kasama ang dalawang alagad 36 nakita nila si Jesus na naglalakad sa malapit, at sinabi ni Juan, "Tingnan ninyo, ayun ang Kordero ng Diyos!" 37 Narinig ng dalawang alagad na sinabi ni Juan ito, at sila ay sumunod kay Jesus. 38 At si Jesus ay lumingon at nakita silang sumusunod at sinabi sa kanila, "Anung nais ninyo?" Sumagot sila, "Rabi (na ang ibig sabihin ay 'Guro'), saan ka nakatira?" 39 Sinabi niya sa kanila, "Halikayo at tingnan." At sila ay pumaroon at nakita kung saan siya nakatira; sila ay tumira kasama niya sa araw na iyon sapagkat noon ay halos mag-aalas kuwatro na. 40 Isa sa dalawang nakarinig na nagsalita si Juan at pagkatapos sumunod kay Jesus ay si Andres na kapatid ni Simon Pedro. 41 Una niyang nakita ang kaniyang sariling kapatid na si Simon at sinabi sa kaniya, "Nakita na namin ang Mesias," (na sinalin na, 'ang Cristo'). 42 Dinala niya siya kay Jesus. Si Jesus ay tumingin sa kaniya at sinabi, "Ikaw si Simon anak ni Juan. Ikaw ay tatawaging Cepas" (na ang ibig sabihin ay 'Pedro'). 43 Kinabukasan, nang si Jesus ay nais na umalis para pumunta sa Galilea, nakita niya si Felipe at sinabi sa kaniya, "Sumunod ka sa akin." 44 Ngayon si Felipe ay galing sa Bethsaida, ang lungsod nila Andres at Pedro. 45 Natagpuan ni Felipe si Nathanael at sinabi sa kaniya, "Ang siyang naisulat sa kaustusan ni Moises at ng mga propeta - ay nakita namin, si Jesus na taga-Nazaret na anak ni Jose." 46 Sinabi ni Nathanael, "Maaari bang may magandang bagay na magmula sa Nazaret?" Sinabi ni Felipe sa kaniya, "Halika at tingnan mo." 47 Nakita ni Jesus na palapit si Nataniel sa kaniya at sinabi ang tungkol sa kaniya, "Tingnan ninyo, isa ngang tunay na Israelita, na walang panlilinlang." 48 Sinabi sa kaniya ni Nataniel, "Papaano mo ako nakikilala?" Sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya, "Bago ka tawagin ni Felipe, nang nasa ilalim ka ng puno ng igos, nakita na kita." 49 Sumagot si Nathanael, "Rabi, ikaw ang Anak ng Diyos! Ikaw ang Hari ng Israel!" 50 Sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya, "Dahil ba sa sinabi ko sa iyo, 'Nakita kita sa ilalim ng puno ng igos', naniniwala ka na? Makakakita ka ng mga bagay na mas higit pa kaysa dito." 51 Sinabi ni Jesus, "Totoo, totoo itong sinasabi ko sa iyo, makikita mong magbukas ang mga kalangitan, at ang mga anghel ng Diyos ay umaakyat at bumababa sa kinaroroonan ng Anak ng Tao."
Chapter 2
1 Matapos ang tatlong araw, may kasalan sa Cana ng Galilea, at ang ina ni Jesus ay naroon. 2 Si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay naanyayahan sa kasalan. 3 Nang maubos ang alak, sinabi ng ina ni Jesus sa kaniya, "Wala silang alak." 4 Sumagot si Jesus, "Babae, ano ang kinalaman niyan sa akin? Ang oras ko ay hindi pa dumarating." 5 Sinabi nang kaniyang ina sa mga lingkod, "Anumang sabihin niya sa inyo, gawin ninyo." 6 Ngayon mayroon doong anim na mga banga ng tubig na ginagamit sa seremonya ng paghuhugas ng mga Judio, na ang bawa't isa ay naglalaman ng may dalawa hanggang tatlong metretes. 7 Sinabi ni Jesus sa kanila, "Punuin ninyo ang banga ng tubig." Kaya pinuno nila ang mga ito hanggang labi. 8 Pagkatapos ay sinabi niya sa mga lingkod, "Kumuha kayo ng kaunti at ibigay sa punong tagapag-silbi." Kaya ginawa nga nila. 9 Tinikman ng punong tagapag-silbi ang tubig na naging alak, ngunit hindi niya alam kung saan ito nanggaling (ngunit alam ito ng mga lingkod na kumuha ng tubig). Pagkatapos ay tinawag niya ang lalaking bagong kasal 10 at sinabi sa kaniya, "Ang unang hinahain ng bawa't isa ay ang mainam na alak at pagkatapos ay ang murang alak kapag ang mga tao ay lasing na. Ngunit itinira mo ang napakainam na alak hanggang ngayon." 11 Ang himalang ito sa Cana ng Galilea ay ang simula ng mga mahimalang tanda na ginawa ni Jesus, ipinapahayag ang kaniyang kaluwalhatian, kaya ang mga alagad ay nananampalataya sa kaniya. 12 Pagkatapos nito, si Jesus, ang kaniyang ina, ang kaniyang mga kapatid, at ang kaniyang mga alagad ay pumunta pababa ng Capernaum, at duon nanatili sila ng mga ilang araw. 13 Ngayon malapit na ang Paskwa ng mga Judio, kaya si Jesus ay umakyat sa Jerusalem. 14 Natagpuan niya sa templo ang mga nagbebenta ng mga baka, tupa at mga kalapati. Ang mga tagapagpalit ng pera ay naroroon din at nakaupo. 15 Kaya gumawa siya nang isang panghagupit na lubid at pinaalis silang lahat palabas ng templo, pati na ang mga tupa at baka. Itinapon niya ang pera ng tagapagpalit ng salapi at itinaob ang kanilang mga mesa. 16 Sinabi niya sa mga taga-benta nang kalapati, "Alisin ninyo rito ang mga bagay na ito. Tigilan ninyong gawing palengke ang tahanan ng aking Ama." 17 Naalala ng kaniyang mga alagad na nasusulat, "Ang sigasig para sa iyong tahanan ay tutupok sa akin." 18 Pagkatapos ay tumugon ang mga may katungkulang Judio, sinasabi sa kaniya, "Anong tanda ang ipapakita mo sa amin dahil ginagawa mo ang mga bagay na ito?" 19 Sumagot si Jesus, "Wasakin ang templong ito, at sa tatlong araw aking itatayo ito." 20 At sinabi ng mga may katungkulang Judio, "Umabot nang apatnapu't anim na taon para magawa ang templong ito, at itatayo mo ito sa tatlong araw?" 21 Subalit, siya ay nagsasalita tungkol sa templo ng kaniyang katawan. 22 Kaya't pagkatapos noon nang siya ay ibangon mula sa kamatayan, naalala ng kaniyang mga alagad na sinabi niya ito, at sila ay nanalig sa kasulatan at sa pahayag na sinabi ni Jesus. 23 Ngayon nang siya ay nasa Jerusalem, habang pista ng Paskwa, marami ang naniwala sa kaniyang pangalan, nang nakita nila ang ginawa niyang mapaghimalang tanda. 24 Ngunit walang tiwala si Jesus sa kanila dahil kilala niya lahat ng sangkatauhan. 25 Hindi niya kailangan ang sinuman para magpatotoo sa kaniya tungkol sa kung ano ang klase ng mga tao, sapagkat alam niya kung anong nasa sa kanila.
Chapter 3
1 Ngayon mayroon isang Pariseo na nagngangalang Nicodemo, kasapi ng Konseho ng Judio. 2 Pumunta ang taong ito kay Jesus nang bandang gabi, at sinabi niya "Rabi, alam namin ikaw ay isang guro galing sa Diyos dahil walang sinumang makagagawa ng mga tandang ito na ginawa mo maliban na nasa kaniya ang Diyos." 3 Sumagot si Jesus sa kanya, "Tunay nga, maliban kung isilang muli ang isang tao hindi niya makikita ang kaharian ng Diyos." 4 Sinabi ni Nicodemo sa kaniya, "Paano ipapanganak ang isang tao kung siya ay matanda na? Hindi na siya pwedeng pumasok sa pangalawang pagkakataon sa sinapupunan ng kaniyang ina at ipanganak, kaya ba niya?" 5 Sumagot si Jesus, "Tunay nga, maliban kung ipinanganak ang isang tao sa tubig at sa Espiritu, hindi siya makakapasok sa kaharian ng Diyos. 6 Iyong ipanganak sa laman ay laman, at iyong ipanganak sa Espiritu ay espritu. 7 Huwag kayong mamangha na sinabi ko sa inyo, 'Dapat kayong ipanganak muli.' 8 Umiihip ang hangin kung saan niya gusto. Naririnig ninyo ang huni nito, ngunit hindi ninyo alam kung saan ito nagmula o kung saan ito pupunta. Gayon din naman ang sinumang isilang sa Espiritu." 9 Sumagot si Nicodemo, sinasabi, "Paano mangyayari ang mga bagay na ito?" 10 Sinagot siya ni Jesus, "Ikaw ba ay guro ng Israel, at hindi mo naiintindihan ang mga bagay na ito? 11 Tunay nga, sinasabi namin iyong alam namin, at pinatotohanan iyong nakita namin. Subalit kayong mga tao, hindi ninyo tinatanggap ang aming patotoo. 12 Kung sinabi ko sa iyo ang tungkol sa mga bagay na makalupa at hindi ka naniwala, paano ka maniniwala kung sasabihin ko sa iyo ang mga bagay na makalangit? 13 Walang sinumang umakyat sa langit maliban ang bumaba mula sa langit, ang Anak ng Tao. 14 Tulad ng pagtaas ni Moises ng ahas sa ilang, gayon din naman ang Anak ng Tao ay kailangang maitaas, 15 upang ang lahat ng mananampalataya sa kaniya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan. 16 Dahil labis na inibig ng Diyos ang sangkatauhan, ibinigay niya ang kaniyang natatangi at nag-iisang Anak upang ang sinumang manalig sa kaniya ay hindi mamatay ngunit magkakaroon ng buhay na walang hanggan. 17 Dahil hindi isinugo ng Diyos ang kaniyang Anak sa mundo para parusahan ang sangkatauhan, ngunit para ang mundo ay marapat na maligtas sa pamamagitan niya. 18 Ang nananampalataya sa kaniya ay hindi mahatulan. Ang hindi nananampalataya ay nahatulan na dahil hindi siya nananampalataya sa pangalan ng natatanging Anak ng Diyos. 19 Ito ang dahilan sa paghahatol, na ang ilaw ay dumating sa mundo, at minahal ng mga tao ang dilim kaysa ang liwanag dahil masama ang kanilang mga naging gawa. 20 Dahil ang sinuman na gumagawa ng masama ay galit sa liwanag at hindi lumalapit sa ilaw upang ang kaniyang mga gawa ay hindi malantad. 21 Subalit ang gumagawa ng katotohanan ay lumalapit sa liwanag upang ang kaniyang mga gawa ay malinaw na makita at ang mga iyon ay naganap dahil sa pagsunod sa Diyos." 22 Pagkatapos nito, si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay pumunta sa lupain ng Judea. Doon siya ay naglalaan ng panahon kasama nila at nagbabautismo. 23 Ngayon si Juan din ay nagbabautismo sa Enon malapit sa Salim dahil higit na marami ang tubig doon. Lumalapit sa kaniya amg mga tao at sila ay nababautismuhan, 24 dahil hindi pa naipatapon sa bilangguan si Juan. 25 Pagkatapos ay may lumitaw na alitan sa pagitan ng ilang alagad ni Juan at sa isang Judio tungkol sa seremonya ng paghuhugas. 26 Pumunta sila kay Juan, at sinabi nila sa kanya "Rabi, yung kasama mo sa ibayo ng ilog Jordan, na iyong pinatotohanan, tingnan mo, nagbabautismo siya at pumupunta ang lahat sa kaniya." 27 Sumagot si Juan, "Walang anumang bagay ang tatanggapin ng isang tao maliban na lamang kung ito ay ibinigay sa kaniya mula sa langit. 28 Kayo mismo ang makapagpapatunay na sinabi ko, 'Hindi ako ang Cristo' sa halip sinabi ko, 'Isinugo ako bago pa siya." 29 Ang kasama ng ikakasal na babae ay ang ikakasal na lalaki. Ngayon ang kaibigan ng ikakasal na lalaki, na siyang nakatayo at nakikinig, ay labis ang tuwa dahil sa tinig ng ikakasal na lalaki. Ito ngang aking kagalakan ay naging ganap. 30 Siya ay dapat maitaas, subalit ako ay dapat maibaba. 31 Ang mula sa kaitaasan ay nakatataas sa lahat. Ang taga lupa ay nagmula sa lupa at nagsasalita ng mga bagay na makalupa. Ang mula sa langit ay nakatataas sa lahat. 32 Nagpapatotoo siya kung ano ang kaniyang nakita at narinig, ngunit walang taong tumatanggap sa kaniyang patotoo. 33 Ang tumanggap sa kaniyang patotoo ay pinatunayan na totoo ang Diyos. 34 Dahil ang sinumang ipinadala ng Diyos ay ipinapahayag ang mga salita ng Diyos. Dahil hindi niya ibinigay ang Espiritu sa pamamagitan ng sukat. 35 Mahal ng Ama ang Anak at ibinigay niya ang lahat sa kaniyang mga kamay. 36 Ang nananampalataya sa Anak ay may buhay na walang hanggan, ngunit ang sinumang hindi sumusunod sa Anak ay hindi makakakita ng buhay, kundi mananatili ang poot ng Diyos sa kaniya."
Chapter 4
1 Ngayon, nang malaman ni Jesus na narinig na ng mga Pariseo na siya ay humihirang at nagbabautismo ng mas maraming alagad kaysa kay Juan 2 (bagama't hindi si Jesus mismo ang nagbabautismo kundi ang kaniyang mga alagad), 3 iniwan niya ang Judea at lumisan papuntang Galilea. 4 Ngayo'y kinakailangan niyang dumaan ng Samaria. 5 Kaya dumating siya sa isang bayan ng Samarya na tinawag na Sicar, malapit sa isang lagay ng lupa na ibinigay ni Jacob sa kaniyang anak na si Jose. 6 Naroon ang balon ni Jacob. Napagod si Jesus sa kaniyang paglalakbay, at siya ay umupo sa may balon. Ito ay magtatanghaling tapat. 7 Isang Samaritana ang dumating upang mag-igib ng tubig, at sinabi ni Jesus sa kaniya, "Bigyan mo ako ng konting tubig na maiinom." 8 Dahil ang kaniyang mga alagad ay umalis papuntang bayan upang bumili ng pagkain. 9 Pagkatapos ay sinabi ng Samaritana sa kaniya, "Paanong ikaw, na isang Judio, ay humihingi sa akin, na isang Samaritana, ng maiinom?" Dahil ang mga Judio ay hindi nakikitungo sa mga Samaritano. 10 Sinagot siya ni Jesus, "Kung batid mo ang kaloob ng Diyos, at kung sino itong nagsasabi sa iyong, 'Bigyan mo ako ng inumin,' ikaw sana ang hihingi sa kaniya, at ibibigay niya sa iyo ang tubig na buhay." 11 Sumagot ang babae, "Ginoo, wala kang panalok, at malalim ang balon. Saan kayo kukuha ng tubig na buhay? 12 Hindi ka higit na dakila kaysa aming amang si Jacob, di ba, na nagbigay sa amin ng balon, at uminom siya mula dito, gayun din ang kaniyang mga anak at kaniyang mga baka?" 13 Sumagot si Jesus, "Ang bawat iinom ng kaunting tubig na ito ay muling mauuhaw, 14 ngunit ang sinumang uminom ng kaunting tubig na ibibigay ko sa kaniya ay hindi kailan man muling mauuhaw. Sa halip, ang tubig na ibibigay ko sa kaniya ay magiging bukal ng tubig na magdudulot sa kaniya ng buhay na walang hanggan." 15 Ang sabi ng babae sa kaniya, "Ginoo, bigyan mo ako ng tubig na ito para hindi na ako mauuhaw at hindi na pumunta dito para umigib ng tubig." 16 Ang sabi ni Jesus sa kaniya, "Umuwi ka, tawagin mo ang iyong asawa, at bumalik ka dito." 17 Sumagot ang babae, sinasabi sa kanya, "Wala akong asawa." Sumagot si Jesus, "Mabuti ang pagkasabi mo, 'wala akong asawa,' 18 dahil nagkaroon ka na ng limang asawa at ang kinakasama mo ngayon ay hindi mo asawa. Sa gayon mabuti ang pagkasabi mo." 19 Ang sabi ng babae sa kaniya, "Ginoo, nakikita kong ikaw ay isang propeta. 20 Dito sa bundok na ito sumamba ang aming mga ninuno, ngunit iyong sinasabi na itong Jerusalem ay ang lugar kung saan ang mga tao ay dapat sumamba." 21 Sumagot si Jesus sa kaniya, "Babae, maniwala ka sa akin, darating ang oras na sasambahin ninyo ang Ama ni sa bundok na ito o sa Jerusalem. 22 Sinasamba ninyo ang hindi ninyo nalalaman. Alam namin ang aming sinasamba, sapagkat ang kaligtasan ay nagmula sa mga Judio. 23 Subalit darating ang oras, at narito na nga, na ang mga tunay na sumasamba ay sasambahin ang Ama sa espiritu at katotohanan, dahil ang Ama ay naghahanap ng mga ganoong tao na sasamba sa kaniya. 24 Ang Diyos ay isang Espiritu, at ang mga taong sasamba sa kaniya ay dapat sumamba sa espiritu at katotohanan." 25 At sinabi ng babae sa kaniya, "Alam ko na ang Mesias ay darating (ang tinatawag na Cristo). Kapag dumating siya, ihahayag niya ang lahat ng bagay sa amin." 26 Sinabi ni Jesus sa kaniya, "Ako, na nagsasalita sa iyo, ay siya nga." 27 At sa sandaling iyon bumalik ang kaniyang mga alagad. Ngayon sila ay nagtataka bakit siya nakikipag-usap sa isang babae. Ngunit walang isa man ang nagsabi, "Ano ang iyong gusto?" o "Bakit ka nakikipag-usap sa kanya?" 28 Kaya iniwan ng babae ang kaniyang sisidlan ng tubig. Bumalik sa bayan, at sinabi sa mga tao, 29 "Halikayo tingnan niyo ang lalaking nagsabi sa akin ng lahat ng aking ginawa. Hindi maaaring maging siya ang Cristo, maaari kaya? " 30 Nagsilabasan sila sa bayan, at nagpunta sa kaniya. 31 Samantala hinihimuk siya ng mga alagad, sinasabi, "Rabi, kumain ka." 32 Ngunit sinabi niya sa kanila, "Mayroon akong pagkaing kakanin na hindi niyo nalalaman." 33 Kaya sinabi ng mga alagad sa isa't-isa, "Wala namang nagdala sa kaniya ng anumang kakainin, mayroon ba?" 34 Sinabi ni Jesus sa kanila, "Ang aking pagkain ay ang gawin ang kalooban ng siyang nagpadala sa akin, at para tapusin ang kaniyang gawa. 35 Hindi ba sinasabi ninyo, 'Mayroon pang apat na buwan at pagkatapos darating ang anihan'? Sinasabi ko sa inyo, tingnan ninyo at pagmasdan ang mga kabukiran, dahil ang mga iyon ay hinog na upang anihin! 36 Ang nag-aani ay tatanggap ng bayad at nagtitipon ng bunga para sa buhay na walang hanggan, upang ang nagtatanim at ang umaanii ay maaaring magkasamang magdiwang. 37 Dahil dito totoo ang kasabihan 'Isa ang nagtatanim, at iba ang nag-aani.' 38 isinugo ko kayo upang anihin iyong hindi kayo ang nagpagal. Iba ang nagpagal at kayo mismo ay napabilang sa kanilang pagpapagal." 39 Marami sa mga Samaritano sa lunsod na yun ang nananampalataya sa kaniya dahil sa ulat ng babae na nagpapatotoo, "Sinabi niya sa akin ang lahat ng aking nagawa." 40 Nang dumating ang mga Samaritano sa kaniya, nagsumamo sa kaniya na manatili sa kanila, at siya ay nanatili doon ng dalawang araw. 41 At marami pa ang nananampalataya dahil sa kaniyang salita. 42 Sinasabi nila sa babae, "Kami ay naniwala, hindi lamang dahil sa iyong mga salita, sapagkat napakinggan namin siya sa aming sarili, at alam namin na tunay ngang siya ang tagapagligtas ng mundo." 43 Pagkalipas ng dalawang araw na iyon, lumisan siya mula roon patungong Galilea. 44 Dahil si Jesus mismo ang nagpahayag na ang isang propeta ay walang karangalan sa kaniyang sariling bansa. 45 Nang dumating siya sa Galilea, malugod na tinanggap siya ng mga taga Galilea. Nakita nila ang lahat ng mga bagay na kaniyang ginawa sa Jerusalem at sa kapistahan, dahil sila din ay nagpunta sa kapistahan. 46 Ngayon dumating muli siya sa Cana na nasa Galilea, sa lugar na ginawa niyang alak ang tubig. Mayroong isang maharlikang pinuno na ang anak na lalaking nasa Capernaum ay may sakit. 47 Nang marinig niya na si Jesus ay dumating sa Galilea mula Judea, pumunta siya kay Jesus at nagsumamo siya upang lumusong at pagalingin ang kaniyang anak, na nasa bingit ng kamatayan. 48 At sinabi ni Jesus sa kaniya, "Maliban na inyong makita ang mga tanda at mga kahanga-hangang mga gawa, hindi kayo maniniwala." 49 Sinabi ng pinuno sa kaniya, "Ginoo, halina't sumama ka na bago mamatay ang aking anak." 50 Sinabi ni Jesus sa kaniya, "Humayo ka, mabubuhay ang iyong anak." Ang lalaki ay naniwala sa salita na sinabi ni Jesus sa kaniya, at tumuloy sa kaniyang landas. 51 Habang siya ay bumababa, sinalubong siya ng kaniyang mga lingkod, nagsasabing buhay ang kaniyang anak. 52 Kaya nagtanong siya sa kanila kung anong oras siya nagsimulang gumaling. Sumagot sila sa kaniya, "Kahapon ng ala una ay nawala ang kaniyang lagnat." 53 At napagtanto ng ama na iyon din ang oras nang binanggit ni Jesus sa kaniya, "Mabubuhay ang iyong anak." Kaya siya mismo at ang kaniyang buong sambahayan ay nanampalataya. 54 Ito ang pangalawang tanda na ginawa ni Jesus mula nang umalis siya sa Judea patungong Galilea.
Chapter 5
1 Pagkatapos nito mayroong isang kapistahan ang mga Judio, at si Jesus ay umakyat pa Jerusalem. 2 Ngayon, mayroon sa Jerusalem, sa may tarangkahan ng tupa, isang palanguyan na tinatawag sa Hebreo na Bethzata. Ito ay mayroong limang mga portico na may bubungan. 3 Maraming bilang ng mga tao na may sakit, bulag, pilay, o lumpo ang mga nakahiga sa mga portico na ito. 4 ( naghihintay sa paggalaw ng tubig) 5 Nandoon ang isang lalaki na tatlumpu't walong taon ng lumpo. 6 Nang makita siya ni Jesus na nakahiga doon, at napag-alaman niyang matagal na siya nandoon, sinabi niya sa kaniya, "Ibig mo bang gumaling?" 7 Sumagot ang lalaking may sakit, "Ginoo, wala akong sinumang magdadala sa akin sa palanguyan kapag napukaw ang tubig. Kapag aking sinusubukan, mayroong nauuna sa akin." 8 Sinabi ni Jesus sa kaniya, "Bumangon ka, kunin mo ang iyong banig, at lumakad ka." 9 Agad-agad gumaling ang lalaki, binuhat ang kaniyang higaan at lumakad. Ngayon ang araw na iyon ay Araw ng Pamamahinga. 10 Kaya sinabihan ng mga Judio sa kaniyang pinagaling, "Ito ang Araw ng Pamamahinga, at hindi ka pinapayagang magbuhat ng iyong banig." 11 Sumagot siya, "Ang nagpagaling sa akin ang nagsabi sa akin, 'Damputin mo ang iyong banig at lumakad ka.'" 12 Tinanong nila siya, "Sino ang taong nagsabi sa iyong, 'Damputin mo ang iyong banig at lumakad ka?'" 13 Subalit, hindi kilala ng pinagaling kung sino siya sapagkat si Jesus ay palihim na umalis papalayo, dahil maraming ng tao sa lugar. 14 Pagkatapos, natagpuan siya ni Jesus sa templo at sinabi sa kaniya, "Tingnan mo, ikaw ay gumaling na! Huwag ka nang magkasala pa, baka may malala pang mangyari sa iyo." 15 Ang lalaki ay umalis papalayo at pinagbigay-alam sa mga Judio na si Jesus ang nagpagaling sa kanya. 16 Ngayon dahil sa mga bagay na ito, inusig ng mga Judio si Jesus sapagkat ginawa niya ang mga ito sa Araw ng Pamamahinga. 17 Sinabi ni Jesus sa kanila, "Ang aking Ama ay gumagawa kahit ngayon, at ako rin ay gumagawa. 18 Dahil dito, hinangad lalo ng mga Judio na patayin siya sapagkat hindi lamang niya nilabag ang Araw ng Pamamahinga, ngunit tinawag din niya ang Diyos na kaniyang Ama, at ginagawang kapantay ang kaniyang sarili sa Diyos. 19 Sinagot sila ni Jesus, "Tunay nga, walang magagawa ang Anak sa kaniyang sarili lamang, maliban lamang sa anong nakikita niya na ginagawa ng Ama, sapagkat anuman ang ginagawa ng Ama, ang mga bagay na ito ay ginagawa din ng Anak. 20 Sapagkat iniibig ng Ama ang Anak, at ipinapakita niya sa kaniya ang lahat ng kaniyang ginagawa, at ipapakita niya ang mga mas dakilang bagay kaysa sa mga ito para kayo ay mamangha. 21 Sapagkat tulad ng Ama na binabangon ang mga patay at binibigyan sila ng buhay, gayun din naman ang Anak ay nagbibigay ng buhay kung kanino niya naisin. 22 Sapagkat walang hinuhusgahan ang Ama, kundi ibinigay na niya ang lahat ng paghuhusga sa Anak 23 upang ang lahat ay parangalan ang Anak katulad ng pagparangal nila sa Ama. Ang hindi nagpaparangal sa Anak ay hindi nagpaparangal sa Ama na nagsugo sa kaniya. 24 Tunay nga, ang nakarinig ng aking salita at naniwala sa kaniya na nagsugo sa akin ay mayroong buhay na walang hanggan at hindi mahahatulan. Sa halip, nailipat na siya mula sa kamatayan patungo sa buhay. 25 Tunay nga, sinasabi ko sa inyo na darating ang panahon at narito na, na maririnig ng patay ang tinig ng Anak ng Diyos, at ang mga nakarinig ay mabubuhay. 26 Sapagkat tulad ng Ama na may buhay sa kaniyang sarili, kaya binigyan din niya ang Anak ng buhay sa kaniyang sarili, 27 at binigyan ng Ama ang Anak ng kapangyarihan na gampanan ang paghahatol sapagkat siya ang Anak ng Tao. 28 Huwag mamangha dito, sapagkat darating ang panahon kung saan lahat ng nasa libingan ay maririnig ang kaniyang tinig 29 at sila ay magsilabasan: iyong mga nakagawa ng mabuti sa pagkabuhay muli sa buhay, at iyong mga nakagawa ng masama sa pagkabuhay na muli sa paghahatol. 30 Wala akong magagawa mula sa aking sarili. Kung anon narinig ko, humahatol ako, at ang aking hatol ay matuwid dahil hindi ko hinahangad ang sarili kong kalooban ngunit ang kalooban ng nagpadala sa akin. 31 Kung ako ay magpapatotoo tungkol sa aking sarili lamang, ang aking patotoo ay hindi magiging tunay. 32 Mayroong isa pa na siyang nagpapatotoo patungkol sa akin, at alam ko na ang patotoo na ibibigay niya tungkol sa akin ay tunay. 33 Nagpasugo kayo kay Juan, at nagpatotoo siya sa katotohanan. 34 Subalit, ang patotoo na aking natanggap ay hindi galing sa tao. Sinasabi ko ang mga bagay na ito upang kayo ay maligtas. 35 Si Juan ay isang lamparang nagniningas at nagliliwanag, at kayo ay kusang nagalak ng isang kapanahunan sa kaniyang liwanag. 36 Ngunit ang patotoo na mayroon ako ay higit na dakila kaysa kay Juan, sapagkat ang mga gawaing ibinigay sa akin ng Ama na dapat kong ganapin, ang mismong mga gawain na ginagawa ko, ay nagpapatotoo tungkol sa akin na ako ay isinugo ng Ama. 37 Ang Ama na siyang nagpadala sa akin ang siya ring nagpatotoo tungkol sa akin. Hindi ninyo kailanman narinig ang kaniyang tinig o nakita ang kaniyang anyo. 38 Hindi nananatili ang kaniyang salita sa inyo, sapagkat hindi kayo naniniwala sa kaniyang isinugo. 39 Sinaliksik ninyo ang mga kasulatan sapagkat akala ninyo na sa mga ito ay mayroon na kayong buhay na walang hanggan, at ang mga kasulatan ding ito ay nagpatotoo tungkol sa akin, 40 at hindi ninyo gustong lumapit sa akin upang kayo ay magkaroon ng buhay. 41 Hindi ako tumatanggap ng papuri mula sa mga tao, 42 ngunit alam ko na wala ang pag-ibig ng Diyos sa inyong mga sarili. 43 Ako ay dumating sa ngalan ng aking Ama at hindi ninyo ako tinatanggap. Kung may iba na dumating sa kaniyang sariling pangalan, tatanggapin ninyo siya. 44 Papaano kayo maniniwala, kayo na tumatanggap ng papuri mula sa isa't isa ngunit hindi naghahangad ng papuri na nagmumula sa kaisa-isang Diyos? 45 Huwag ninyong isipin na ako mismo ang magpaparatang sa inyo sa harap ng Ama. Ang nagpaparatang sa inyo ay si Moises, na pinaglalagyan ninyo ng inyong mga pag-asa. 46 Kung naniniwala kayo kay Moises, maniniwala kayo sa akin sapagkat sumulat siya tungkol sa akin. 47 Kung hindi kayo nanininwala sa kaniyang mga isinulat, paano kayo maniniwala sa aking mga salita?"
Chapter 6
1 Pagkatapos ng mga bagay na ito, si Jesus ay umalis papunta sa kabilang ibayo ng Dagat ng Galilea, na tinatawag din na Dagat ng Tiberias. 2 Napakaraming tao ang sumusunod sa kaniya dahil nakikita nila ang mga tanda na ginagawa niya sa may mga sakit. 3 Umakyat si Jesus sa gilid ng bundok at naupo doon kasama ang kaniyang mga alagad. 4 (Ngayon ang Paskwa na kapistahan ng mga Judio ay malapit na). 5 Nang tumanaw si Jesus at nakita ang napakaraming taong lumalapit sa kaniya, sinabi niya kay Felipe, "Saan tayo makabili ng tinapay upang ang mga taong ito ay makakain?" 6 (Ngunit sinabi ito ni Jesus upang subukin si Felipe, sapagkat alam niya sa kaniyang sarili kung ano ang kaniyang gagawin.) 7 Sumagot si Felipe sa kaniya, "Ang tinapay na nagkakahalaga ng dalawang daang denario ay hindi magkakasya para sa bawa't isa kahit na bigyan ng tig-kakaunti." 8 Isa sa mga alagad, si Andres, kapatid ni Simon Pedro, ay nagsabi kay Jesus, 9 "Mayroong isang batang narito na mayroong limang sebadang tinapay at dalawang isda, ngunit ano ang mga ito sa ganito karaming tao?" 10 Sinabi ni Jesus, "Paupuin ninyo ang mga tao." (Ngayon madamo sa lugar na iyon.) Kaya naupo ang mga tao, mga limang libo ang bilang. 11 At kinuha ni Jesus ang mga tinapay at matapos makapagpasalamat ay ipinamahagi niya sa mga taong nakaupo. Sa ganoon ding paraan, ipinamahagi din niya ang mga isda, hangga't sa gusto nila. 12 Nang nabusog na ang mga tao, sinabi niya sa kaniyang mga alagad, "Ipunin ang natirang mga pira-piraso, para walang masayang." 13 Kaya inipon nila ang mga ito at puno ang labindalawang kaing ng mga pira-pirasong mula sa limang sebadang tinapay - ang mga pirasong natira mula sa mga nakakain. 14 At nang makita ng mga tao ang tandang ito na kaniyang ginawa, sinabi nila, "Ito ang tunay na propeta na siyang darating sa mundo." 15 Nang napagtanto ni Jesus na sila ay papunta at sapilitan siyang gagawing hari, muli siyang lumayo at mag-isang umakyat sa bundok. 16 Nang dumating ang gabi, ang mga alagad ay bumaba papunta sa lawa. 17 Sumakay sila sa bangka, patawid ng dagat papuntang Capernaum. (Madilim na nang oras na iyon at hindi pa pumunta si Jesus sa kanila). 18 Ngayon, isang malakas na hangin ang umiihip at ang dagat ay nagiging maalon. 19 At nang nakapagsagwan na ang mga alagad ng mga dalawampu't lima o tatlumpung istadya, nakita nila si Jesus na lumalakad sa ibabaw ng dagat at papalapit sa bangka, at sila ay natakot. 20 Subalit sinabi niya sa kanila, "Ako ito, huwag kayong matakot." 21 Pagkatapos kusa nilang tinanggap siya sa bangka, at kaagad nakarating ang bangka sa lugar kung saan sila papunta. 22 Kinabukasn, nakita ng karamihang nakatayo sa kabilang ibayo ng dagat na walang ibang bangka doon maliban sa isa at si Jesus ay hindi sumakay doon na kasama ang kaniyang mga alagad, kundi ang kaniyang mga alagad lamang. 23 (Subalit, may ilang mga bangka na nanggaling mula sa Tiberias malapit sa lugar kung saan nila kinain ang tinapay pagkatapos makapagpasalamat ang Panginoon.) 24 Nang matuklasan ng karamihan na si Jesus o ang kaniyang mga alagad ay wala doon, sila sila rin ay sumakay sa mga bangka at nagpunta sa Capernaum at hinahanap si Jesus. 25 Pagkatapos nila siyang matagpuan sa kabila ng lawa, sinabi nila sa kaniya, "Rabi, kailan ka nagpunta dito? 26 Sumagot si Jesus sa kanila, sinasabi, "Tunay nga, hinanap ninyo ako, hindi dahil nakakita kayo ng mga tanda, ngunit dahil nakakain kayo ng ilang tinapay at kayo ay nabusog. 27 Tumigil kayo sa pagtrabaho para sa pagkaing nasisira, ngunit pagtrabahuhan ang pagkaing mananatili pang habang-buhay na ibibigay sa inyo ng Anak ng Tao, sapagkat inilagay ng Diyos Ama ang kaniyang tatak sa kaniya. 28 Pagkatapos sinabi nila sa kaniya, "Ano ang dapat naming gawin, upang magawa namin ang mga gawain ng Diyos?" 29 Sumagot si Jesus, "Ito ay ang gawa ng Diyos: na kayo ay sumampalataya sa kaniyang isinugo. 30 Kaya sinabi nila sa kaniya, "Kung gayon anong tanda ang gagawin mo na maari naming makita at maniwala sa iyo? Ano ang gagawin mo? 31 Kinain ng aming mga ninuno ang manna sa ilang, katulad ng nasusulat, "Binigyan niya sila ng tinapay mula sa langit upang kainin." 32 Pagkatapos, sumagot si Jesus sa kanila, "Tunay nga, hindi si Moises ang nagbigay sa inyo ng tinapay mula sa langit, ngunit ang aking Ama ang nagbibigay sa inyo ng tunay na tinapay mula sa langit. 33 Sapagkat ang tinapay ng Diyos ay nanggagaling mula sa langit at nagbibigay buhay sa mundo. 34 Kaya sinabi nila sa kaniya, "Ginoo, lagi mo kaming bigyan ng tinapay na ito." 35 Sinabi ni Jesus sa kanila, "Ako ang tinapay ng buhay, ang lalapit sa akin ay hindi magugutom at ang sumampalataya sa akin ay hindi mauuhaw kailanman. 36 Subalit, sinabi ko sa inyo na nakita ninyo na ako, ngunit hindi pa rin kayo naniniwala. 37 Lahat ng ibibigay sa akin ng Ama ay lalapit sa akin, at ang lalapit sa akin ay hinding hindi ko itataboy. 38 Sapagkat ako ay bumaba mula sa langit, hindi upang gawin ang aking kalooban kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin. 39 At ito ang kalooban ng nagsugo sa akin, na dapat walang sinuman akong maiwala sa lahat ng ibinigay niya sa akin, subalit dapat maibangon sila sa huling araw. 40 Dahil ito ang kalooban ng aking Ama, na bawat isa na nakakakita sa Anak at sumampalataya sa kaniya ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan at bubuhayin ko siya sa huling araw. 41 Pagkatapos nagbulungan ang mga Judio tungkol sa kaniya dahil sa sinabi niya, "Ako ang tinapay na bumaba mula sa langit." 42 Sinabi nila, "Hindi ba ito ay si Jesus na anak ni Jose, na kilala natin kung sino ang ama at ina? Paano niya masasabi, 'Ako'y bumaba mula sa langit'?" 43 Sumagot si Jesus, sinasabi sa kanila, "Tigilan ninyo ang pagbubulung-bulungan sa inyong mga sarili." 44 Walang taong maaaring makalapit sa akin maliban na lamang kung ilapit siya ng Ama na siyang nagsugo sa akin, at ibabangon ko siya sa huling araw. 45 Ito ay nasusulat sa mga propeta, "Silang lahat ay tuturuan ng Diyos.' Bawat isang nakarinig at natuto mula sa Ama ay lalapit sa akin. 46 Hindi sa ang sinuman ang nakakita sa Ama, maliban sa siyang nagmula sa Diyos - nakita na niya ang Ama. 47 Tunay nga, ang mananampalataya ay may buhay na walang hanggan. 48 Ako ang tinapay ng buhay. 49 Kinain ng inyong mga ninuno ang manna sa ilang at sila ay namatay. 50 Ito ang tinapay na nagmula sa langit, upang ang isang tao ay kumain nito at hindi mamamatay. 51 Ako ang buhay na tinapay na nagmula sa langit. Kung sinuman ang kumain ng ilang tinapay na ito, siya ay mabubuhay magpakailanman. Ang tinapay na aking ibibigay ay ang aking laman para sa buhay ng mundo. 52 Ang mga Judio ay nagalit sa isa't isa at nagsimulang magtalo-talo, na sinasabi, "Paanong ibibigay sa atin ng taong ito ang kaniyang laman upang kainin natin?" 53 At sinabi sa kanila ni Jesus, "Tunay nga, maliban na lang kung kakainin ninyo ang laman ng Anak ng Tao at inumin ang kaniyang dugo, hindi kayo magkakaroon ng buhay sa inyong mga sarili. 54 Sinuman ang kakain ng aking laman at iinom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan, at ibabangon ko siya sa huling araw. 55 Sapagkat ang aking laman ay tunay na pagkain, at ang aking dugo ay tunay na inumin. 56 Ang kakain ng aking laman at iinom ng aking dugo ay nananatili sa akin, at ako sa kaniya. 57 Gaya ng buhay na Ama na nagsugo sa akin, at gaya ng ako ay nabuhay dahil sa Ama, ang kakain sa akin ay mabubuhay din dahil sa akin. 58 Ito ang tinapay na bumaba mula sa langit, hindi tulad ng kinain ng mga ninuno at namatay. Ang kakain ng tinapay na ito ay mabubuhay magpakailanman. 59 Sinabi ni Jesus ang mga bagay na ito sa sinagoga habang siya ay nagtuturo sa Capernaum. 60 Pagkatapos nang narinig ng marami sa kaniyang mga alagad ito, sinabi nila, "Ito ay mahirap na katuruan; sino kaya ang tatanggap nito?" 61 Dahil alam ni Jesus sa kaniyang sarili na ang kaniyang mga alagad ay naguusap-usap tungkol dito, sinabi niya sa kanila, "Ito ba ay nakasakit sa inyo? 62 Kung ganoon, paano kung makita ninyo ang Anak ng Tao na umaakyat papunta sa dati niyang kinaroroon? 63 Ang Espiritu ang siyang nagbibigay buhay. Walang pakinabang ang laman. Ang mga salita na nasabi ko sa inyo ay mga espiritu, at ang mga ito ay buhay. 64 Gayun man mayroong ilan sa inyo na hindi mananampalataya." Sapagkat alam ni Jesus mula pa sa simula sino ang hindi mananampalataya at sino itong magkakanulo sa kaniya. 65 Sinabi niya, " Dahil dito ay sinabi ko sa inyo na walang isa man na maaring makalapit sa akin maliban na ipagkaloob sa kaniya ng Ama." 66 Pagkatapos nito, marami sa kaniyang mga alagad ang bumalik at hindi na lumakad kasama niya. 67 Kaya sinabi ni Jesus sa Labingdalawa, "Hindi rin ninyong gustong umalis? hindi ba?" 68 Sinagot siya ni Simon Pedro, "Panginoon, kanino kami pupunta? Ikaw ang may mga salita ng buhay na walang hanggan, 69 at kami ay naniwala at nalaman namin na ikaw ang Banal ng Diyos. " 70 Sinabi ni Jesus sa kanila, "Hindi ko ba kayo pinili, na Labindalawa, at ang isa sa inyo ay isang diyablo?" 71 Ngayon sinabi niya ang tungkol kay Judas anak ni Simon Iscariote, sapagkat siya iyon na kabilang sa Labingdalawan na magkakanulo kay Jesus.
Chapter 7
1 At pagkatapos ng mga bagay na ito si Jesus ay naglakbay sa Galilea, sapagkat hindi niya gustong pumunta sa Judea dahil ang mga Judio ay nagpaplanong patayin siya. 2 Ngayon, nalalapit na ang kapistahan ng mga Hudyo, na Kapistahan ng mga Kanlungan. 3 Kaya sinabi sa kaniya ng kaniyang mga kapatid na lalaki, "Iwanan mo ang lugar na ito at pumunta ka sa Judea, upang makita din ng iyong mga alagad ang mga gawaing ginagawa mo. 4 Walang sinumang gumagawa ng anumang bagay na palihim kung siya mismo ay gustong makilala ng hayagan. Kapag ginawa mo ang mga bagay na ito, ipakita mo ang iyong sarili sa buong mundo." 5 Sapagkat kahit ang mga kapatid niya ay hindi naniniwala sa kaniya. 6 Kaya sinabi ni Jesus sa kanila, "Ang aking panahon ay hindi pa dumating, ngunit ang inyong panahon ay palaging nakahanda. 7 Hindi ka maaring kamuhian ng mundo, ngunit kinamumuhian ako nito dahil ako ay nagpatotoo tungkol dito na ang kaniyang mga gawa ay masama. 8 Pumunta na kayo sa kapistahan; hindi ako pupunta sa kapistahang ito dahil ang aking oras ay hindi pa natutupad." 9 Pagkatapos niyang sinabi ang mga bagay na ito sa kanila, siya ay nanatili sa Galilea. 10 Subalit, pagkatapos pumunta ng kaniyang mga kapatid sa kapistahan, sumunod din siya, hindi hayagan ngunit palihim. 11 Hinahanap siya ng mga Judio sa kapistahan at sinabi, "Nasaan siya?" 12 Nagkaroon ng matinding talakayan sa maraming tao tungkol sa kaniya, sinabi ng ilan, "Siya ay mabuting tao." Sinabi ng iba, "Hindi, nililigaw niya ang karamihan." 13 Ngunit wala ni isa na hayagang nagsalita tungkol sa kaniya dahil sa takot sa mga Judio. 14 Nang malapit na matapos ang kapistahan, umakyat si Jesus sa templo at nagsimulang magturo. 15 Namanghang ang mga Judio at sinasabi, "Paano nagkaroon ng maraming karunungan ang taong ito? Hindi naman siya nakapag-aral." 16 Sinagot sila ni Jesus at sinabi, "Ang aking katuruan ay hindi akin, ngunit sa kaniya na nagsugo sa akin. 17 Kung sinuman ang nagnanais gawin ang kaniyang kalooban, malalaman niya ang tungkol sa katuruang ito, kung ito ay nangagaling sa Diyos o nanggaling sa sarili ko. 18 Sinuman ang magsalita mula sa kaniyang sarili ay naghahangad ng sariling kalulwalhatian, ngunit sinuman ang naghahangad ng kalulwalhatian sa kaniya na nagsugo sa kaniya, ang taong iyon ay totoo at walang kasamaan sa kaniya. 19 Hindi ba binigay sa inyo ni Moises ang kautusan? Gayunman wala sa inyo ang gumagawa ng batas. Bakit gusto ninyo akong patayin?" 20 Sumagot ang maraming tao, "Mayroon kang isang demonyo. Sino ang may gustong pumatay sa iyo? 21 Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, "Gumawa ako ng isang bagay, at namangha kayo dahil dito. 22 Binigyan kayo ni Moises ng pagtutuli (hindi sa iyon ay nagmula kay Moises, ngunit nagmula sa mga ninuno), at sa Araw ng Pamamahinga tinutuli ninyo ang isang lalaki. 23 Kung ang isang lalaki ay tumanggap ng pagtutuli sa Araw ng Pamamahinga upang ang batas ni Moises ay hindi malabag, bakit kayo nagagalit sa akin dahil ginawa kong ganap na magaling ang isang tao sa Araw ng Pamamahinga? 24 Huwag humatol ayon sa anyo, ngunit humatol ng may katuwiran. 25 Sinabi ng ilan sa kanila na taga-Jerusalem, "Hindi ba ito ang siyang hinahangad nilang patayin? 26 At tingnan ninyo, hayagan siyang nagsasalita at wala silang sinabi sa kaniya. Hindi kaya alam ng mga pinuno na ito ang Cristo, maaari kaya? 27 Alam natin kung saan nanggaling ang taong ito. Subalit, kapag dumating ang Cristo, walang isa man ang nakakaalam kung saan siya mangagaling." 28 Sumisigaw si Jesus sa loob ng templo, nagtuturo at nagsasabi, "Kilala ninyo ako at alam ninyo kung saan ako nanggaling. Hindi ako pumarito sa aking sarili, ngunit ang nagsugo sa akin ay totoo at hindi niyo siya kilala. 29 Kilala ko siya dahil ako ay nanggaling mula sa kaniya at ako ay isinugo niya. 30 Sinusubukan nilang dakpin siya, ngunit walang sinumang nangahas na hulihin siya dahil hindi pa dumadating ang kaniyang panahon. 31 Subalit, marami sa mga tao ang sumampalataya sa kaniya. Sinabi nila, "Kapag dumating ang Cristo, gagawa ba siya ng mas maraming tanda kaysa sa mga ginawa ng taong ito?" 32 Narinig ng mga Pariseo ang bulong-bulungan ng maraming tao tungkol kay Jesus, at ang mga punong pari at ang mga Pariseo ay nagsugo ng mga opisyal upang hulihin siya. 33 At sinabi ni Jesus, "Sa sandaling panahon mananatili pa ako kasama ninyo, pagkatapos pupunta na ako sa nagsugo sa akin. 34 Hahanapin ninyo ako ngunit hindi ninyo ako makikita; kung saan ako papunta, hindi kayo makakasama." 35 Kaya nag-usap-usap ang mga Judio, "Saan papunta ang taong ito na hindi natin siya kayang hanapin? Pupunta ba siya sa Pagkakalat sa mga Griyego at tuturuan ang mga Griyego? 36 Ano itong salita na kaniyang sinabi, 'Hahanapin ninyo ako ngunit hindi ako makikita; kung saan ako pupunta, hindi kayo makakasama'?" 37 Ngayon sa huling araw, ang dakilang araw ng kapistahan, tumayo si Jesus at sumigaw na nagsasabi, "Kung sinuman ang nauuhaw, hayaan siyang lumapit sa akin at uminom. 38 Kung sino ang sumampalataya sa akin, gaya ng sinabi ng kasulatan, mula sa kaniya dadaloy ang mga ilog ng tubig na buhay. 39 Ngunit sinabi niya ito tungkol sa Espiritu na tatanggapin ng mga mananampalataya sa kaniya; ang Espiritu ay hindi pa naibibigay dahil si Jesus ay hindi pa nalululwalhati. 40 Ang ilan sa maraming tao, nang narinig nila ang mga salitang itoay nagsabi, "Tunay nga na ito ang propeta." 41 Sinabi ng iba, "Ito ang Cristo." Ngunit sinabi ng iba, "Ano, ang Cristo ba ay mangagaling sa Galilea? 42 Hindi ba sinabi ng mga kasulatan na ang Cristo ay manggagaling sa lahi ni David at mula sa Betlehem, ang nayon kung saan galing si David?" 43 Kaya nagkaroon ng pagbabahagi sa maraming tao dahil sa kaniya. 44 Ang iba sa kanila ay ninais sanang dakpin siya, ngunit walang isa man ang humuli sa kaniya. 45 Pagkatapos bumalik ang mga opisyal sa mga punong pari at mga Pariseo, na nagsabi sa kanila, "Bakit hindi ninyo siya dinala?" 46 Sumagot ang mga opisyal, "Walang pang tao ang nagsalita kailanman ng katulad nito." 47 Kaya sinagot sila ng mga Pariseo, "Kayo ba ay nailigaw na rin?" 48 Mayroon ba sa mga namumuno o kahit sino sa mga Pariseo ang sumampalataya sa kaniya? 49 Ngunit itong maraming tao na hindi alam ang batas—sila ay sinumpa." 50 Sinabi ni Nicodemo sa kanila, (siya na kabilang sa mga Pariseo na pumunta noong una pa kay Jesus), 51 "Ang ating batas ba ay humahatol sa isang tao nang hindi muna marinig siya at nabatid kung ano ang kaniyang ginagawa?" 52 Sumagot sila at sinabi sa kaniya, "Nanggaling ka din ba sa Galilea? Saliksikin at tingnan mo na walang propetang manggagaling sa Galilea. " 53 [Pagkatapos bawat tao ay nagtungo sa kanilang sariling bahay.
Chapter 8
1 Si Jesus ay nagtungo sa Bundok ng mga Olibo. 2 Kinaumagahan, pumunta siyang muli sa templo, at lahat ng mga tao ay pumunta sa kaniya; umupo siya at tinuruan sila. 3 Ang mga eskriba at mga Pariseo ay nagdala ng isang babaeng nahuli sa kasalukuyan ng pangangalunya. Nilagay nila siya sa gitna. 4 At sinabi nila kay Jesus, "Guro, ang babaeng ito ay nahuli sa kasalukuyang ng pangangalunya. 5 Ngayon sa batas inuutos ni Moises na batuhin ang ganitong uri ng mga tao; ano ang iyong masasabi tungkol sa kaniya?" 6 Sinabi nila ito upang bitagin siya upang mayroon silang maiparatang sa kaniya, ngunit yumuko si Jesus at sumulat sa lupa gamit ang kaniyang daliri. 7 Nang patuloy sila sa pagtatanong sa kaniya, siya ay tumayo at sinabi sa kanila, "Ang walang kasalanan sa inyo, siya ang unang magtapon ng bato sa kaniya." 8 Muli siyang yumuko at nagsulat sa lupa gamit ang kaniyang daliri. 9 Nang narinig nila ito, isa isa silang umalis, simula sa pinakamatanda. Sa bandang huli naiwan si Jesus mag-isa, kasama ang babae na nasa kanilang kalagitnaan. 10 Tumayo si Jesus at sinabi sa kaniya, "Babae, nasaan ang iyong mga taga-usig? Wala bang humatol sa iyo?" 11 Sabi niya "Wala ni sinuman, Panginoon." Sabi ni Jesus, "Hindi rin kita hahatulan. Humayo ka sa iyong pupuntahan; mula ngayon huwag ka nang magkakasala pa."] 12 Muli nagsalita si Jesus sa mga tao at sinabi, "Ako ang ilaw ng mundo; ang sumusunod sa akin ay hindi na maglalakad sa kadiliman kundi magkakaroon ng liwanag ng buhay." 13 Sinabi sa kaniya ng mga Pariseo, "Ikaw ang nagpapatotoo tungkol sa iyong sarili; ang iyong patotoo ay hindi tunay." 14 Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, "Kahit na ako ang nagpapatotoo tungkol sa aking sarili, ang aking patotoo ay tunay. Alam ko kung saan ako nanggaling at saan ako pupunta, ngunit kayo hindi ninyo alam kung saan ako nanggaling o saan ako pupunta. 15 Humahatol kayo ayon sa laman; ako ay walang hinahatulan. 16 Ngunit paghumatol ako, ang aking paghatol ay tunay dahil hindi ako nag-iisa, ngunit kasama ko ang aking Ama na nagsugo sa akin. 17 Tama, at sa inyong batas ay nakasulat ang pagpapatotoo ng dalawang tao ay tunay. 18 Ako ang nagpapatotoo tungkol sa aking sarili, at ang Ama na nagsugo sa akin ay nagpapatotoo tungkol sa akin. 19 Sinabi nila sa kaniya, "Nasaan ang iyong ama?" Sumagot si Jesus, "Hindi ninyo ako kilala ni ang aking Ama; kung nakilala ninyo ako, makilala niyo na rin ang aking Ama." 20 Sinabi niya ang mga salitang ito na malapit sa lugar ng ingat-yaman noong siya ay nagturo sa templo, at walang sinuman ang humuli sa kaniya dahil hindi pa dumarating ang kaniyang oras. 21 Sinabi niya muli sa kanila, "Ako ay aalis; hahanapin ninyo ako at mamamatay kayo sa inyong kasalanan. Kung saan ako pupunta, hindi kayo makakasama." 22 Sabi ng mga Judio "Papatayin ba niya ang kaniyang sarili, siya na nagsabi, 'Kung saan ako pupunta, hindi kayo makakasama'?" 23 Sinabi ni Jesus sa kanila, "Kayo ay nagmula sa ibaba; ako ay nagmula sa itaas. Kayo ay sa sanlibutang ito; ako ay hindi sa sanlibutang ito. 24 Kaya, sinabi ko sa inyo na mamamatay kayo sa inyong mga kasalanan. Sapagkat maliban na maniniwala kayo na AKO NGA, mamamatay kayo sa inyong mga kasalanan." 25 Kaya sinabi nila sa kaniya, "Sino ka?" Sinabi ni Jesus sa kanila, "Kung ano sinabi ko sa inyo mula pa sa simula. 26 Marami akong mga bagay na sasabihin at hahahtulan tungkol sa inyo. Subalit, ang nagpadala sa akin ay totoo; at ang mga bagay na narinig ko sa kaniya, ang mga ito ay sinasabi ko sa mundo." 27 Hindi nila naunawaan na siya ay nagsasalita sa kanila tungkol sa Ama. 28 Sinabi ni Jesus, "Kapag itinaas na ninyo ang Anak ng Tao, saka ninyo makikilala na AKO NGA, at wala akong ginawa sa aking sarili. Ayon sa itinuro ng aking Ama, sinasabi ko ang mga bagay na ito. 29 Ang nagsugo sa akin ay nasa akin, at hindi niya ako iniwang mag-isa, dahil palagi kong ginagawa ang mga bagay na nakakalugod sa kaniya." 30 Habang sinasabi ni Jesus ang tungkol sa mga bagay na ito, marami ang naniwala sa kaniya. 31 Sinabi ni Jesus sa mga Judio na naniwala sa kaniya, "Kapag kayo ay nanatili sa aking salita, kayo nga ay tunay kong mga alagad; 32 at malalaman ninyo ang katotohan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo. 33 Sumagot sila sa kaniya, "Kami ay mga lahi ni Abraham at hindi kailanman inalipin ng kahit sinuman; paano mo nasabi, 'Kayo ay mapapalaya?" 34 Si Jesus ay sumagot sa kanila, "Tunay nga, sinabi ko sa inyo, kung sinuman ang magkasala ay alipin ng kasalanan. 35 Ang alipin ay hindi laging nananatili sa tahanan; ang anak ay laging nananatili. 36 Kung gayon, kapag pinalaya na kayo ng Anak, kayo ay tunay ngang malaya. 37 Alam ko na kayo ay kaapu-apuhan ni Abraham; gusto ninyo akong patayin dahil ang aking mga salita ay walang lugar sa inyo. 38 Sinasabi ko ang mga bagay na nakita ko sa aking Ama, at kayo din ginagawa ninyo ang mga bagay na narinig ninyo mula sa inyong ama. 39 Sila ay sumagot at sinabi sa kaniya, "Ang aming ama ay si Abraham." Sinabi ni Jesus sa kanila, "Kung kayo ay mga anak ni Abraham, gagawin ninyo ang mga gawain ni Abraham. 40 Ngunit, ngayon ninanais ninyo na patayin ako na isang taong nagsabi sa inyo ng katotohan na narinig ko mula sa Diyos. Hindi ito ginawa ni Abraham. 41 Ginawa ninyo ang gawain ng inyong ama." Sinabi nila sa kaniya, "Hindi kami ipinanganak sa seksual na imoralidad; may isa kaming Ama, ang Diyos." 42 Sabi ni Jesus sa kanila, "Kung ang Diyos ang inyong Ama, mamahalin ninyo ako, sapagkat ako ay nagmula at nanggaling sa Diyos; sapagkat hindi ako naparito dahil sa aking sarili lamang, kundi isinugo niya ako. 43 Bakit hindi ninyo naiintindihan ang aking mga salita? Ito ay dahil hindi ninyo kayang makinig sa aking mga salita. 44 Kayo ay mula sa inyong ama na ang diablo, at hinahangad ninyong gawin ang mga kahalayan mula sa inyong ama. Siya ay isang mamamatay tao mula sa simula at hindi nananatili sa katotohanan dahil walang katotohanan sa kaniya. Kapag nagsalita siya ng kasinungalingan, siya ay nagsasalita sa sarili niyang kalikasan dahil siya ay sinungaling at ang ama ng kasinungalingan. 45 Subalit, dahil nagsasalita ako ng katotohanan hindi kayo naniniwala. 46 Sino sa inyo ang hahatol sa aking kasalanan? Kung nagsasalita ako ng katotohanan, bakit hindi ninyo ako pinapaniwalaan? 47 Ang sa Diyos ay nakikinig sa mga salita ng Diyos; hindi ninyo naririnig ang mga ito dahil hindi kayo sa Diyos." 48 Ang mga Judio ay sumagot at sinabi sa kaniya "Hindi ba tama ang sinabi namin na ikaw ay isang Samaritano at may demonyo," 49 Sumagot si Jesus, "Wala akong demonyo; pero pinaparangalan ko ang aking ama, at hindi ninyo ako pinaparangalan. 50 Hindi ko hinahanap ang sarili kong kaluwalhatian; mayroong isang naghahanap at naghahatol. 51 Tunay nga, sinabi ko sa inyo, kung sinuman ang tutupad ng aking salita, hindi niya kailanman makikita ang kamatayan. 52 Sinabi ng mga Judio sa kaniya, "Ngayon alam namin na mayroon kang demonyo. Si Abraham at ang mga propeta ay namatay; pero sinasabi mo, 'Kung sinuman ang tutupad sa aking salita ay hindi kailanman matitikman ang kamatayan.' 53 Hindi ka nakakahigit sa aming amang si Abraham na namatay, hindi ba? Ang mga propeta din ay namatay. Kanino mo hinahalintulad ang iyong sarili?" 54 Sumagot si Jesus, "Kung niluluwalhati ko ang aking sarili, ang aking kaluwalhatian ay walang halaga; ang nagluluwalhati sa akin ay ang aking Ama—na sinasabi ninyo na siya ang inyong Diyos. 55 Hindi niyo siya nakikila, pero kilala ko siya. Kung sasabihin ko, 'Hindi ko siya kilala,' maitutulad ako sa inyo na sinungaling. Subalit, kilala ko siya at tinutupad ko ang kaniyang salita. 56 Ang iyong amang si Abraham ay nagalak na nakikita ang araw ko; nakita niya ito at natuwa." 57 Sabi ng mga Judio sa kanya, "Hindi ka pa limampung taon gulang, at nakita mo na si Abraham?" 58 Sabi ni Jesus sa kanila, "Tunay nga, sinasabi ko sa inyo, bago ipanganak si Abraham, ay AKO NGA." 59 Kaya dumampot sila ng mga bato para batuhin siya ngunit nagtago si Jesus at lumabas ng templo.
Chapter 9
1 Ngayon nang si Jesus ay dumaan, nakakita siya ng isang taong bulag mula pa sa kapanganakan. 2 Tinanong siya ng kaniyang mga alagad, "Rabi, sino ang nagkasala, ang taong ito o ang kaniyang mga magulang, na dapat siyang isilang na bulag?" 3 Sumagot si Jesus, "Hindi nagkasala ang taong ito ni ang kaniyang mga magulang, kundi upang ang mga gawa ng Dios ay mahayag sa kaniya. 4 Kailangan nating gawin ang mga gawain niya na siyang nagpadala sa akin habang araw pa. Darating ang gabi na kung kailan wala ng kayang gumawa. 5 Habang ako ay nasa sanlibutan, ako ang ilaw ng sanlibutan." 6 Pagkatapos sabihin ni Jesus ang mga bagay na ito, dumura siya sa lupa, gumawa ng putik sa pamamagitan ng laway, at pinahiran ng putik ang mga mata ng lalake. 7 Sinabi niya sa kaniya, "Pumunta ka at maghilamos sa languyan ng Siloam (na isinalin na 'isinugo')." Kaya't umalis ang lalake, naghilamos, at bumalik nang nakakakakita na. 8 Pagkatapos, ang mga kapitbahay ng lalake at iyong mga dating nakakita sa kaniya bilang isang pulubi ay nagsasabi, "Hindi ba't ito ang lalaking dating nakaupo at namamalimos?" 9 Sinabi ng ilan, "Siya nga." Sinabi ng iba, "Hindi, ngunit siya ay kamukha niya." Ngunit sinasabi niya, "Ako nga iyon." 10 Sinabi nila sa kaniya, "Kung gayon paanong nabuksan ang iyong mga mata?" 11 Sumagot siya, "Ang taong tinatawag na Jesus ay gumawa ng putik at pinahiran ang aking mga mata at sinabi sa akin, "Pumunta ka sa Siloam at maghilamos.' Kaya umalis ako at naghilamos, at nanumbalik ang aking paningin." 12 Sinabi nila sa kaniya, "Nasaan siya?" sumagot siya, "Hindi ko alam." 13 Dinala nila ang lalaki na dating bulag sa mga Pariseo. 14 Ngayon iyon ay Araw ng Pamamahinga nang si Jesus ay gumawa ng putik at pinadilat ang kaniyang mga mata. 15 Pagkatapos tinanong siya muli ng mga Pariseo kung paano niya natanggap ang kaniyang paningin. Sinabi niya sa kanila, "Nilagyan niya ng putik ang aking mga mata, naghilamos ako, at ngayon nakakakita na ako." 16 Sinabi ng ilang mga Pariseo, "Ang taong ito ay hindi galing sa Dios dahil hindi niya tinutupad ang Araw ng Pamamahinga." Sinabi ng iba, "Papaanong makakagawa ng ganyang mga pangitain ang isang tao na iyon na makasalanan?" Kaya nagkaroon ng pagkakabaha-bahagi sa kanilang kalagitnaan. 17 Kaya tinanong nilang muli ang lalaking bulag, "Ano ang masasabi mo tungkol sa kaniya dahil pinadilat niya ang iyong mga mata?" Sinabi ng lalaking bulag, "Siya ay isang propeta." 18 Ngayon ang mga Judio ay hindi pa din naniniwala tungkol sa kaniya na dating bulag at nakamit ang kaniyang paningin hanggang sa tinawag nila ang mga magulang ng iyong nagkamit ng kaniyang paningin. 19 Tinanong nila ang mga magulang, "Ito ba ang inyong Anak na sinasabi ninyong pinangangak na bulag? Papaanong nakakakita na siya ngayon?" 20 Kaya sumagot ang kaniyang mga magulang sa kanila, "Alam naming ito ang aming anak at siya ay bulag nang isilang. 21 Kung paano siya ngayon ay nakakakita na, hindi namin alam, at kung sino ang nagpadilat sa kaniyang mga mata, hindi namin alam. Tanungin ninyo siya. Siya ay matanda na. Makakapag-salita siya para sa kaniyang sarili." 22 Sinabi ito ng kaniyang mga magulang sapagkat takot sila sa mga Judio. Sapagkat nagkasundo na ang mga Judio na kung sinumang magpahayag na si Jesus ay ang Cristo, dapat siyang palayasin sa sinagoga. 23 Dahil dito, sinabi ng kaniyang mga magulang, "Siya ay matanda na. Tanungin ninyo siya. 24 Kaya sa pangalawang pagkakataon tinawag nila ang lalake na naging bulag at sinabi sa kaniya, "Magbigay papuri ka sa Dios. Alam naming makasalanan ang taong iyon." 25 At sumagot ang taong iyon, "Kung siya man ay isang makasalanan, hindi ko alam. Isang bagay ang alam ko: Noon ako ay bulag, at ngayon ako ay nakakakita na." 26 At sinabi nila sa kaniya, "Ano ang ginawa niya sa iyo? Paano niya pinadilat ang iyong mga mata?" 27 Sumagot siya, "Sinabi ko na sa inyo at hindi ninyo pinakinggan! Bakit ninyo gustong itong marinig muli? Hindi ninyo nais maging alagad din niya, hindi ba?" 28 Nilait nila siya at sinabi, "Ikaw ay kaniyang alagad, ngunit kami ay mga alagad ni Moises. 29 Alam namin na ang Dios ay nakipag-usap kay Moises, ngunit para sa taong iyon, hindi namin alam kung saan siya nanggaling." 30 Ang lalake ay sumagot at sinabi sa kanila, "Bakit, ito ay isang kamangha-manghang bagay, at hindi ninyo alam kung saan siya nagmula, gayon pinadilat niya ang aking mga mata. 31 Alam natin na ang Diyos ay hindi nakikinig sa mga makasalanan, ngunit kung ang isang tao ay sumasamba sa Diyos at gumagawa ng kaniyang kalooban, siya ay pakikinggan ng Diyos. 32 Mula ng nagsimula ang mundo hindi kailanman narinig na napadilat ng sinuman ang mga mata ng isang taong isinilang na bulag. 33 Kung ang taong ito ay hindi galing sa Diyos, wala siyang kayang gawin." 34 Sumagot sila at sinabi sa kaniya, "Ikaw ay pawang ipinanganak sa mga kasalanan, at tinuturuan mo kami ngayon?" Pagkatapos ay pinalabas nila siya sa sinagoga. 35 Narinig ni Jesus na pinalayas nila siya sa sinagoga. Nakita niya siya at sinabi, "Sumasampalataya ka ba sa Anak ng Tao?" 36 Sumagot siya at sinabi, "Sino siya, Panginoon, upang sasampalataya ako sa kaniya?" 37 Sinabi ni Jesus sa kaniya, "Nakita mo na siya, at siya itong nakikipag-usap sa iyo." 38 Sinabi ng lalake, "Panginoon, sumasampalataya ako." Pagkatapos, sumamba siya sa kaniya. 39 Sinabi ni Jesus, "Naparito ako sa mundong ito para sa paghuhukom upang ang mga hindi nakakakita ay makakita, at upang ang mga nakakakita ay maging bulag." 40 Narinig ng ilan sa mga Pariseo na kasama niya ang mga bagay na ito, at nagtanong sa kaniya, "Bulag din ba kami?" 41 Sinabi ni Jesus sa kanila, "Kung kayo ay mga bulag, wala sana kayong kasalanan. Subalit, ngayon sinasabi ninyong, "Nakakakita kami," kaya ang inyong kasalanan ay nananatili.
Chapter 10
1 "Tunay nga, sinasabi ko sa inyo, ang hindi pumasok sa pamamagitan ng pinto papasok sa kulungan ng tupa, subalit umaakyat sa ibang daanan, ang taong iyon ay isang magnanakaw at isang tulisan. 2 Ang pumapasok sa pamamagitan ng pinto ay ang tagapag-alaga ng tupa. 3 Binubuksan siya ng tagapagbantay ng tarangkahan. Pinapakinggan ng mga tupa ang kaniyang boses, at tinatawag niya ang sarili niyang tupa sa kani-kanilang pangalan at pinangungunahan silang palabas. 4 Kapag nailabas na niya ang lahat nang sariling kaniya, pinangungunahan niya sila, at sumusunod sa kaniya ang mga tupa sapagkat kilala nila ang kaniyang boses. 5 Hindi sila susunod sa isang estranghero ngunit sa halip ay iiwasan ito, sapagkat hindi nila kilala ang boses ng mga estranghero." 6 Sinabi ni Jesus sa kanila ang talinghagang ito, ngunit hindi nila naintindihan kung ano ang mga bagay na ito na sinasabi niya sa kanila. 7 Pagkatapos muling sinabi ni Jesus sa kanila, "Tunay nga, sinasabi ko sa inyo, ako ang pinto ng mga tupa. 8 Lahat nang naunang dumating sa akin ay mga magnanakaw at mga tulisan, ngunit ang mga tupa ay hindi nakinig sa kanila. 9 Ako ang tarangkahan. Kung sinumang pumapasok sa pamamagitan ko, siya ay maliligtas; siya ay papasok at lalabas at makakahanap ng pastulan. 10 Ang magnanakaw ay hindi pumarito maliban sa pagnanakaw, pagpatay, at pagwasak. Ako ay pumarito upang sila ay magkaroon ng buhay at magkaroon ng kasaganaan nito. 11 Ako ang mabuting pastol. Inialay ng mabuting pastol ang kaniyang buhay para sa mga tupa. 12 Ang isang bayarang-lingkod, na hindi isang pastol, na hindi nagmamay-ari ng mga tupa, ay nakikitang dumarating ang lobo at pinababayaan ang mga tupa at tumatakas. Tinatangay ng lobo ang mga ito at pinangangalat ang mga ito. 13 Siya ay tatakbo dahil siya ay isang bayarang-lingkod at hindi nagmamalasakit sa mga tupa. 14 Ako ang mabuting pastol, at kilala ko ang sa akin, at ang sa akin ay nakikilala ako. 15 Kilala ako ng Ama, at kilala ko ang Ama, at ibinigay ko ang aking buhay para sa mga tupa. 16 Mayroon akong iba pang mga tupa na wala sa tupahang ito. Sila din, kailangan kong dalhin, at makikinig sila sa aking boses upang magkaroon lamang ng isang kawan at isang pastol. 17 Ito ang dahilan kung bakit ako iniibig ng Ama: Ibibigay ko ang aking buhay upang muli kong kunin. 18 Walang sinumang kukuha nito sa akin, kundi kusa ko itong ibibigay. Ako'y mayroong kapangyarihang ibigay ito, at mayroon din akong kapangyarihan na ito ay kunin muli. Natanggap ko ang utos na ito mula sa Ama." 19 Isang pagkakabaha-bahagi ang muling nangyari sa gitna ng mga Judio dahil sa mga salitang ito. 20 Sinabi ng marami sa kanila, "Mayroon siyang demonyo at nababaliw. Bakit kayo nakikinig sa kaniya?" 21 Sinabi ng iba, "Hindi ito ang mga pahayag ng isang inaalihan ng isang demonyo. Kaya ba ng isang demonyo na makapagpadilat ng mga mata ng isang bulag?" 22 At dumating ang Kapistahan ng Pagtatalaga sa Jerusalem. 23 Taglamig noon, at naglalakad si Jesus sa templo sa portiko ni Solomon. 24 At pinaligiran siya ng mga Judio at sinabi sa kaniya, "Hanggang kailan mo kami pananatilihing bitin? Kung ikaw ang Cristo, sabihin mo nang maliwanag." 25 Sumagot si Jesus sa kanila, "Sinabihan ko kayo, ngunit hindi kayo naniwala. Ang mga gawain na aking ginawa sa ngalan ng aking Ama, ang mga ito ang magpapatotoo patungkol sa akin. 26 Gayunman hindi kayo naniwala dahil hindi ko kayo mga tupa. 27 Naririnig ng aking tupa ang aking boses; kilala ko sila, at sila ay sumusunod sa akin. 28 Ibinigay ko sa kanila ang buhay na walang hanggang; hindi sila malilipol, at walang sinumang makaaagaw sa kanila sa aking kamay. 29 Ang aking Ama na siyang nagbigay sa kanila sa akin, ay dakila kaysa sa lahat, at walang sinuman na kayang umagaw sa kanila sa kamay ng Ama. 30 "Ako at ang Ama ay iisa." 31 Pagkatapos ay kumuhang muli ng mga bato ang mga Judio upang batuhin siya. 32 Sinagot sila ni Jesus, "Ipinakita ko sa inyo ang maraming mabubuting gawain mula sa Ama. Alin sa mga gawaing ito ang dahilan na pagbabatuhin ninyo ako?" 33 Sumagot ang mga Judio sa kaniya, "Hindi ka namin binabato dahil sa anumang mabuting gawain, kundi dahil sa paglapastangan, dahil ikaw na isang tao, ginagawa mong Diyos ang iyong sarili." 34 Sumagot si Jesus sa kanila, "Hindi ba nasusulat sa inyong batas, 'Sinabi ko, "kayo ay mga diyos?'" 35 Kung tinatawag niyang mga diyos sila na dinatnan ng salita ng Diyos (at ang kasulatan ay hindi maaaring sirain), 36 sinasabi ba ninyo ang tungkol sa kaniya na siyang itinalaga ng Ama at isinugo sa mundo, 'Ikaw ay naglalapastangan,' dahil sinabi kong, 'Ako ang Anak ng Diyos'? 37 Kung hindi ko ginagawa ang gawain ng aking Ama, huwag kayong manampalataya sa akin. 38 "Subalit, kung ginagawa ko ang mga iyon, kahit na hindi kayo manampalataya sa akin, maniwala kayo sa mga gawain upang malaman ninyo at maunawaan na ang Ama ay nasa sa akin at ako ay nasa sa Ama." 39 Sinubukan muli nilang lupigin si Jesus, ngunit siya ay umalis sa kanilang mga kamay. 40 Umalis muli si Jesus patungo sa ibayo ng Jordan sa lugar nang una'y pinagbabautismuhan ni Juan, at siya ay nanatili doon. 41 Maraming tao ang lumapit kay Jesus. Patuloy nilang sinasabi, "Sa katunayan walang ginawang mga tanda si Juan, ngunit lahat ng mga bagay na sinabi ni Juan tungkol sa taong ito ay totoo." 42 Doon ay maraming sumampalataya kay Jesus.
Chapter 11
1 Ngayon, may isang lalaki na nagngangalang Lazaro na may karamdaman. Siya ay mula sa Bethania na ang nayon ni Maria at ng kaniyang babaeng kapatid na si Martha. 2 Siya rin ang Maria na magpapahid ng mira sa Panginoon at magpupunas gamit ang kaniyang buhok sa mga paa ng Panginoo, siya ang kapatid ni Lazaro na siyang may karamdaman. 3 At nagpasabi ng mensahe ang magkapatid na babae kay Jesus at sinabi, "Panginoon, tingnan mo, ang iyong minamahal ay may karamdaman." 4 Nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya, "Ang karamdamang ito ay hindi magtatapos sa kamatayan, sa halip ito ay para sa kaluwalhatian ng Diyos upang ang Anak ng Diyos ay maluwalhati sa pamamagitan nito." 5 Ngayon mahal ni Jesus si Marta at ang kaniyang kapatid na babae at si Lazaro. 6 Nang marinig ito ni Jesus, nanatili pa siya ng dalawang araw sa lugar kung nasaan siya. 7 Pagkatapos nito, sinabi niya sa kaniyang mga alagad, "Tayo nang muli sa Judea." 8 Sinabi ng mga alagad sa kaniya, "Rabi, ngayon palang ay sinusubukan kang batuhin ng mga Judio, at babalik ka ba muli roon? 9 Sumagot si Jesus, "Hindi ba sa isang araw ay may labingdalawang oras na liwanag? Kapag ang isang tao ay lumalakad samantalang araw, hindi siya matitisod sapagkat nakakakita siya sa pamamagitan ng liwanag ng araw. 10 Gayon pa man, kung siya ay lumalakad sa gabi, siya ay matitisod dahil wala sa kaniya ang liwanag. 11 Sinabi ni Jesus ang mga bagay na ito, at pagkatapos ng mga bagay na ito, sinabi niya sa kanila, "Ang ating kaibigan na si Lazaro ay nakatulog, subalit pupunta ako doon upang gisingin siya mula sa kaniyang pagkakatulog." 12 Kaya sinabi ng mga alagad sa kaniya, "Kung si Lazaro ay nakatulog, siya ay gagaling. 13 Ngayon, sinabi sa kanila ni Jesus ang tungkol sa kamatayan ni Lazaro, ngunit inakala nilang lahat na ito ay tungkol lamang sa pagpapahinga sa pagtulog. 14 Pagkatapos, sinabi sa kanila ni Jesus nang malinaw, "Si Lazaro ay patay na." 15 Para sa inyong kapakanan, masaya ako na wala ako roon upang kayo ay maniwala. Pumunta tayo sa kaniya. 16 Si Tomas na dating tinatawag na Didimo, sinabi niya sa kapwa niya alagad, "Pumunta rin tayo, upang mamatay din tayo kasama ni Jesus." 17 Nang dumating si Jesus, nalaman niya na apat na araw ng nasa libingan si Lazaro. 18 Ngayon, malapit ang Bethania sa Jerusalem, mga labinglimang estadio ang layo. 19 Maraming mga Judio ang pumunta kina Marta at Maria, upang aliwin sila tungkol sa kanilang kapatid na si Lazaro. 20 At nang marinig ni Marta na paparating si Jesus, pumunta siya at sinalubong siya, ngunit si Maria ay nanatiling nakaupo pa rin sa kanilang bahay. 21 Sinabi ni Marta kay Jesus, "Panginoon, kung nandito ka lang sana, hindi mamamatay ang kapatid ko. 22 Kahit ngayon, alam ko na kahit ano ang iyong hingiin sa Diyos ay ibibigay niya sa iyo." 23 Sinabi ni Jesus sa kaniya, "Ang kapatid mo ay babangong muli." 24 Sinabi ni Marta sa kaniya, "Alam ko na muli siyang babangon sa muling pagkabuhay sa huling araw." 25 Sinabi ni Jesus sa kaniya, "Ako ang muling pagkabuhay at ang buhay; ang sumasampalataya sa akin, bagama't siya ay mamamatay, gayon ma'y mabubuhay siya; 26 at sinuman ang nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hindi na mamatay. Naniniwala ka ba dito?" 27 Sinabi niya sa kaniya, "Oo Panginoon, naniniwala ako na ikaw ang Cristo, ang Anak ng Diyos na siyang paparito sa mundo." 28 Matapos niyang sabihin ito, umalis siya at tinawag si Maria na kaniyang kapatid, nang sarilinlan. Sinabi niya, "Narito ang Guro at ipinatatawag ka." 29 Nang marinig ito ni Maria, mabilis siyang tumayo at pumunta kay Jesus. 30 Ngayon, hindi pa nakakarating sa nayon si Jesus, kundi nandoon pa rin siya sa lugar kung saan siya kinatagpo ni Marta. 31 At ang mga Judio na kasama ni Maria sa kanilang bahay, na umaaliw sa kaniya, nang makita nilang nagmamadali siyang tumayo at umalis, sinundan nila siya, inakala nila na pupunta siya sa libingan upang doon umiyak. 32 Nang makarating si Maria kung saan naroroon si Jesus, at siya ay nakita niya, nagpatirapa siya sa kaniyang mga paa at sinabi sa kaniya, "Panginoon, kung nandito lamang kayo, hindi sana namatay ang aking kapatid." 33 Nang makita ni Jesus na siya ay umiiyak at ang mga Judio na kasama niya ay umiiyak din, naghinagpis ang kaniyang espirtu at nabagabag; 34 sinabi niya, "Saan niyo sya inilibing?" Sinabi nila sa kaniya, "Panginoon, pumarito kayo at tingnan." 35 Si Jesus ay tumangis. 36 Pagkatapos, sinabi ng mga Judio, "Tignan ninyo kung gaano niya kamahal si Lazaro!" 37 Pero sinabi ng ilan, "Hindi ba kaya ng taong ito na siyang nagmulat ng mga mata ng dati ay bulag, na gawin ring hindi mamatay ang lalaking ito?" 38 Pagkatapos, habang si Jesus ay muling naghihinagpis, pumunta siya sa libingan. Ngayon ito ay isang kuweba at may isang batong nakatakip dito. 39 Sinabi ni Jesus, "Alisin ang bato." Si Martha, na kapatid ni Lazaro na namatay, ay nagsabi kay Jesus, "Panginoon, sa mga oras na ito ang kaniyang katawan ay naaagnas na, sapagkat apat na araw na ang nakalipas mula nang siya ay mamatay." 40 Sinabi ni Jesus sa kaniya, "Hindi ko ba sinabi sa iyo na kung ikaw ay maniwala makita mo ang kaluwalhatian ng Diyos?" 41 Kaya inalis nila ang bato. Tumingala si Jesus at sinabi, "Ama, nagpapasalamat ako sa iyo dahil pinakinggan mo ako. 42 Alam ko na lagi mo akong pinakikinggan, pero ito ay dahil sa mga taong nakatayong palibot sa akin kaya sinabi ko ito, upang maniwala sila na isinugo mo ako." 43 Matapos niyang sabihin ito, sumigaw siya nang may malakas na boses, "Lazaro, lumabas ka!" 44 Lumabas ang patay na lalaki, na nakabalot ang mga kamay at mga paa ng damit panglibing at ang kaniyang mukha ay nababalot din ng tela. Sinabi ni Jesus sa kanila, kalagan ninyo siya at pakawalan." 45 At ang maraming Judio na pumunta kay Maria at nakita kung ano ang ginawa ni Jesus, ay sumampalataya sa kaniya; 46 ngunit may ilan sa kanila ang umalis papunta sa mga Pariseo at sinabi ang mga ginawa ni Jesus. 47 At tinipon ng mga pinunong pari at ng mga Pariseo ang konseho at sinabi, "Ano ang ating gagawin? Ang taong ito ay maraming ginagawang mga tanda. 48 Kung hahayaan natin siyang mag-isa katulad ng ganito, lahat ay maniniwala sa kaniya; ang mga Romano ay paparito at kukunin ang ating lugar at gayon din ang ating bansa. 49 Gayon pa man, may isang lalaki sa kanila, si Caifas na ang pinakapunong pari nang taong iyon ay nagsabi sa kanila, "Wala kayong nalalaman. 50 Hindi ba ninyo iniisip na ito ay naaangkop na may isang taong dapat mamatay para sa mga tao kaysa ang buong bansa ang mamatay." 51 Ngayon, sinabi niya ito hindi sa kaniyang sariling pagkukusa; sa halip, dahil siya ang pinakapunong pari ng taong iyon, nagpropesiya siya na si Jesus ay dapat mamatay para sa bansa, 52 at hindi para sa bansa lamang, kundi upang tipunin din ni Jesus ang mga anak ng Diyos na nakakalat sa iba't ibang lugar. 53 Kaya mula ng araw na iyon ay pinagplanuhan na nila kung paano papatayin si Jesus. 54 Hindi na naglalakad ng hayag si Jesus sa gitna ng mga Judio, ngunit umalis siya doon at pumunta sa isang bansa na malapit sa ilang sa isang bayan na tinatawag na Efraim. Doon ay nanatili siya kasama ang mga alagad. 55 Ngayon ang Paskwa ng mga Judio ay nalalapit na, marami ang pumunta sa Jerusalem mula sa mga bansa upang linisin ang kanilang mga sarili. 56 Hinahanap nila si Jesus, at pinag-uusapan nila sa isa't isa habang sila ay nakatayo sa templo, "Ano sa inyong palagay? Hindi kaya siya darating sa kapistahan?" 57 Ngayon, ipinag-utos ng mga punong pari at mga Pariseo na kung sinuman ang nakakaalam kung nasaan si Jesus ay ipagbigay-alam nila ito upang sa gayon maaari nila siyang dakipin.
Chapter 12
1 Anim na araw bago ang Paskwa, nagpunta si Jesus sa Bethania, kung saan naroon si Lazaro na siyang binuhay niya mula sa mga patay. 2 Kaya hinandaan nila siya ng hapunan doon, at si Marta ang nagsisilbi, habang si Lazaro ay isa sa mga naupo sa mesa kasama ni Jesus. 3 Pagkatapos kumuha si Maria ng isang litra ng pabango mula sa purong nardo na napakamahal, at pinahiran nito ang mga paa ni Jesus at pinunasan ng kaniyang buhok ang kaniyang mga paa, at napuno ang buong bahay ng halimuyak ng pabango. 4 Si Judas Iscariote, isa sa mga alagad na magkakanulo sa kaniya, ay nagsabi, 5 "Bakit hindi ipinagbili ang pabango na ito ng tatloong daang dinario at ibigay sa mahihirap. 6 Ngayon, sinabi niya ito, hindi dahil sa may malasakit siya sa mga mahihirap, kundi dahil siya ay isang magnanakaw: siya ang may hawak ng sisidlan ng pera, at kumukuha dito ng ilang pera para sa kaniyang sarili. 7 Sinabi ni Jesus, " Hayaan ninyong ilaan niya ang mayroon siya para sa araw ng aking libing. 8 Palagi ninyong kapiling ang mga mahihirap, ngunit hindi ninyo ako laging makakasama." 9 Ngayon, napag-alaman ng maraming mga Judiio na naroon si Jesus, at sila ay dumating, hindi lamang dahil kay Jesus, ngunit nagbabakasakali rin silang makita si Lazaro na binuhay ni Jesus mula sa mga patay. 10 Ang mga punong pari ay nagsabwatan upang patayin na rin si Lazaro, 11 dahil siya ang dahilan kung bakit maraming mga Judio ang nagsi-alis at sumampalataya kay Jesus. 12 Nang sumunod na araw, napakaraming tao ang dumating para sa kapistahan. Nang kanilang marinig na si Jesus ay darating sa Jerusalem, 13 kumuha sila ng mga sanga sa mga puno ng palma, at lumabas upang salubungin siya at sumigaw: "Osana! Pinagpala siya na pumaparito sa pangalan ng Panginoon, ang Hari ng Israel!" 14 Nakita ni Jesus ang isang asno, at umupo siya rito, gaya ng nasusulat, 15 "Huwag kang matakot, mga anak na babae ng Sion, tingnan, ang inyong Hari ay dumarating, nakaupo sa isang batang asno." 16 Hindi naunawaan ng kaniyang mga alagad ang mga ito sa simula, ngunit nang maluwalhati na si Jesus, naalala nila na ang mga bagay na ito ay nasulat patungkol sa kaniya at na ginawa nila sa kaniya ang mga bagay na ito ay. 17 Ngayon ang maraming mga tao na nakasama ni Jesus ng tawagin niya si Lazarus palabas sa libingan at binuhay mula sa mga patay, ay nagpatotoo sa iba. 18 Ito rin ang dahilan kung bakit ang mga tao ay lumabas upang salubungin siya, dahil narinig nilang ginawa niya ang tandang ito. 19 Kaya nagsabi ang mga Pariseo sa isa't isa: Tingnan ninyo, wala kayong magagawa; tingnan ninyo, ang sanlibutan ay sumusunod sa kaniya." 20 Ngayon, may ilang mga Griyego na kasama nilang umakyat upang sumamba sa kapistahan. 21 Lumapit sila kay Felipe na mula sa Bethsaida ng Galilea, at tinanong siya na nagsasabi, "Ginoo, nais naming makita si Jesus." 22 Pumunta si Felipe at sinabi kay Andres; si Andres ay pumunta kasama si Felipe, at sinabi nila kay Jesus. 23 Sinagot sila ni Jesus at sinabi, "Ang oras ay dumating na upang ang Anak ng Tao ay luwalhatiin. 24 Tunay nga na sinasabi ko sa inyo, maliban na ang butil ng trigo ay mahulog sa lupa at mamatay, ito ay nanatili sa kaniyang sarili na mag-isa, ngunit kung ito ay mamatay, magbubunga ito ng napakarami. 25 Ang nagmamahal sa kaniyang buhay ay mawawalan nito, subali't ang namumuhi sa kaniyang buhay sa mundong ito ay mapapanatili ito para sa walang hanggang buhay. 26 Kung sinuman ang maglingkod sa akin, sumunod siya sa akin, at kung saan ako naroroon, ang aking lingkod ay naroon din. Kung sinuman ang maglingkod sa akin, pararangalan siya ng Ama. 27 Ang aking kaluluwa ay nababagabag ngayon, "Ano ang aking sasabihin? 'Ama, iligtas mo ako sa oras na ito'? Subalit dahil dito, naparito ako sa oras na ito. 28 Ama, luwalhatiin mo ang iyong pangalan." Pagkatapos isang tinig ang nagmula sa langit, at nagsabi, "Niluwalhati ko na at muli ko rin itong luluwalhatiin" 29 Pagkatapos ang maraming mga tao na nakatayo sa malapit at nakarinig nito ay nagsabi na kumulog. Sinabi ng iba, "Isang anghel ang nagsalita sa kaniya." 30 Sumagot si Jesus at nagsabi, "Ang tinig na ito ay hindi dumating alang-alang sa akin, kundi para sa inyong kapakanan. 31 Ngayon na ang paghuhukom nitong mundo. Ngayon itataboy ang prinsipe ng mundong ito. 32 At ako, kung ako ay maitaas mula sa lupa, aking ilalapit ang mga tao sa aking sarili. 33 Sinabi niya ito upang ipahiwatig kung sa paanong paraan na kamatayan siya mamamatay. 34 At sumagot ang maraming tao sa kaniya, "Narinig namin mula sa kautusan na ang Cristo ay mananatili magpakailanman. Paano mo masasabi, "Ang Anak ng Tao ay kailangan itaas?" "Sino itong Anak ng Tao?" 35 Saka sinabi ni Jesus sa kanila, "Gayunman sa kaunting panahon na lamang ay kasama ninyo ang ilaw. Lumakad habang nasa inyo ang liwanag upang hindi kayo abutan ng kadililman. Ang lumalakad sa kadiliman ay hindi nakakaalam kung saan siya patutungo. 36 Habang mayroon sa inyo ang liwanag, sumampalataya kayo sa liwanag upang kayo ay maging mga anak ng liwanag. Sinabi ni Jesus ang mga bagay na ito, at pagkatapos umalis siya at hindi na muling nagpakita sa kanila. 37 Kahit na maraming nagawang mga tanda si Jesus sa harapan nila, hindi pa rin sila sumampalataya sa kaniya 38 upang ang salita ni Isaias na propeta ay maaring matupad, na kaniyang sinabi: "Panginoon, sino ang naniwala sa aming ulat? At kanino nahayag ang bisig ng Panginoon?" 39 Sa kadahilanang ito hindi sila sumasampalataya, sapagkat sinabi rin ni Isaias, 40 "Binulag niya ang kanilang mga mata, at pinatigas niya ang kanilang mga puso, kung hindi man, makikita nila sa kanilang mga mata at makauunawa sa kanilang mga puso, at manumbalik, at pagagalingin ko sila. 41 Sinabi ang mga bagay na ito ni Isaias sapagkat nakita niya ang kaluwalhatian ni Jesus, at nagsalita siya ng tungkol sa kaniya. 42 Gayunpaman, maraming mga pinuno ang naniwala kay Jesus, pero dahil sa mga Pariseo, hindi nila inaamin ito upang hindi sila ipagbawal sa sinagoga. 43 Minahal nila ang papuri na nagmumula sa mga tao kaysa sa papuring nagmumula sa Diyos. 44 Sumigaw si Jesus at nagsabi, "Ang sumasampalataya sa akin ay hindi lang sa akin sumasampalataya kundi maging sa kaniya na nagsugo sa akin. 45 At ang nakakakita sa akin ay nakakakita sa kaniya na nagsugo sa akin. 46 Ako ay naparito bilang isang liwanag sa mundo upang ang sinumang maniwala sa akin ay hindi na manatili sa kadiliman. 47 Kung sinuman ang nakakarinig ng aking mga salita, subalit hindi sinusunod ang mga ito, hindi ko siya hinahatulan, sapagkat hindi ako naparito upang hatulan ang mundo, kundi upang iligtas ang mundo. 48 Ang sinumang tumanggi sa akin at hindi tumatanggap ng aking mga salita ay mayroong isang hahatol sa kaniya, ito ay ang salita na aking sinabi na siyang hahatol sa kaniya sa huling araw. 49 Sapagkat hindi ako nagsalita mula sa aking sarili. Sa halip ang Ama na siyang nagsugo sa akin, na siyang nagbigay sa akin ng utos tungkol sa kung ano ang aking dapat sabihin at dapat ipahayag. 50 Alam ko na ang kaniyang utos ay buhay na walang hanggan; kaya iyong mga sinasabi ko--na ayon sa sinasabi ng Ama sa akin, ay sinasabi ko sa kanila."
Chapter 13
1 Ngayon, bago ang Kapistahan ng Paskuwa, dahil alam ni Jesus na ang kaniyang oras ay dumating na, na siya ay dapat ng umalis ng mundong ito tungo sa kaniyang Ama, minamahal niya ang sariling kaniya na nasa mundo, minahal niya sila hanggang sa huli. 2 Ngayon, nailagay na sa puso ni Judas Iscariote na anak ni Simon, na ipagkanulo si Jesus. 3 Alam ni Jesus na ibinigay ng Ama sa kaniyang mga kamay ang lahat ng mga bagay at siya ay galing sa Diyos at babalik sa Diyos. 4 Tumayo siya nang hapunan at ibinaba ang kaniyang panglabas na kasuotan. At kumuha siya ng tuwalya at ibinigkis ito sa kaniyang sarili. 5 Pagkatapos, nagbuhos siya ng tubig sa palanggana at sinimulang hugasan ang mga paa ng mga alagad at upang punasan sila ng tuwalya na ibinigkis sa kaniyang sarili. 6 Lumapit si Jesus kay Simon Pedro, at sinabi ni Simon Pedro sa kaniya, "Panginoon, huhugasan mo ba ang aking mga paa?" 7 Sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya, "Sa ngayon ang ginagawa ko ay hindi mo pa maintindihan, ngunit sa darating na panahon ay maiintindihan mo rin ito" 8 Sinabi ni Pedro sa kaniya, "Hindi mo kailanman huhugasan ang aking mga paa." Sumagot si Jesus, "Kung hindi kita huhugasan, hindi ka magkakaroon ng bahagi sa akin." 9 Sinabi ni Simon Pedro sa kaniya, "Panginoon, huwag lamang ang aking mga paa ang iyong hugasan, ngunit pati na rin ang aking mga kamay at aking ulo." 10 Sinabi sa kaniya ni Jesus, "Ang sinuman na nakaligo na ay hindi na kailangang maghugas ng kahit ano pa maliban sa kaniyang mga paa, at siya ay malinis na malinis na; malinis ka na, ngunit hindi lahat kayo." 11 Dahil alam ni Jesus kung sino ang magkakanulo sa kaniya; kaya sinabi niya; "Hindi ang lahat sa inyo ay malinis." 12 Pagkatapos hugasan ni Jesus ang kanilang mga paa at kunin ang kaniyang mga damit at muling umupo, sinabi niya sa kanila, "Alam ba ninyo ang ginawa ko para sa inyo? 13 Tinatawag ninyo akong 'Guro' at 'Panginoon', at tama ang sinasabi ninyo, dahil ako nga iyon. 14 Kung ako nga na Panginoon at Guro, ay hinugasan ang iyong mga paa, dapat ninyo ring hugasan ang mga paa ng iba. 15 Dahil binigyan ko kayo ng halimbawa upang dapat gawin din ninyo tulad ng ginawa ko sa inyo. 16 Tunay nga sinasabi ko sa inyo, ang lingkod ay hindi mas matataas sa kaniyang Panginoon; ni ang isinugo ay mas mataas kaysa sa nagsugo sa kaniya. 17 Kung alam mo ang mga bagay na ito, pinagpala ka kung ginagawa mo ang mga ito. 18 Hindi ako nagsasalita tungkol sa inyong lahat, dahil alam ko ang aking mga pinili -- ngunit sinasabi ko ito upang ang kasulatan ay maganap: 'Ang kumakain ng aking tinapay ay nagtaas ng kaniyang sakong laban sa akin.' 19 Sinasabi ko ito ngayon sa inyo upang kung ito ay mangyayari, maniniwala kayo na AKO NGA. 20 Tunay nga ang sinasabi ko sa inyo, ang tumatanggap sa akin ay tinatanggap ang sinumang aking isinusugo, at ang tumatanggap sa akin ay tinatanggap ang siyang nagsugo sa akin. 21 Nang sinabi ni Jesus ito, siya ay nabagabag sa espiritu at sinabi "Tunay nga sinasabi ko sa inyo, na isa sa inyo ang magkakanulo sa akin." 22 Nagtinginan ang mga disipulo sa isa't-isa, nagtataka kung sino ang kaniyang tinutukoy. 23 May isa na nasa lamesa ang nakasandal sa dibdib ni Jesus na isa sa kaniyang mga alagad, ang minamahal ni Jesus. 24 Kaya hinudyatan ni Simon Pedro ang alagad na ito at sinabi, "Sabihin mo sa amin kung sino ang kaniyang tinutukoy. 25 Sumandal ang alagad na iyon sa dibdib ni Jesus at sinabi sa kaniya, "Panginoon, sino po iyon?" 26 At sumagot si Jesus, "Iyong aking ipagsasawsaw ng pirasong tinapay at bibigyan. "Nang kaniyang isawsaw ang tinapay, ibinigay niya ito kay Judas na anak ni Simon Iscariote. 27 At pagkatapos ng tinapay, pumasok si Satanas sa kaniya. Sinabi ni Jesus sa kaniiya, "Kung ano ang iyong gagawin, gawin mo ito agad." 28 Ngayon, walang sinuman na nasa lamesa ang nakaaalam nang dahilan kung bakit sinabi ni Jesus ito sa kaniya. 29 Naisip ng iba na, dahil si Judas ang nangangalaga sa supot ng salapi, sinabi ni Jesus sa kaniya, "Bumili ka ng mga bagay na kailangan natin para sa kapistahan," o kaya naman na siya ay dapat magbigay sa mga mahihirap. 30 Pagkatapos tanggapin ni Judas ang tinapay, agad siyang lumabas; at gabi na noon. 31 Nang si Judas ay umalis na, sinabi niJesus, "Ngayon ang Anak ng Tao ay naluwalhati. 32 At ang Diyos ay naluwalhati sa kaniya. Luluwalhatiin siya ng Diyos sa kaniyang sarili, at agad siyang luluwalhatiin niya. 33 Mga batang paslit, makakasama pa ninyo ako ng maikli pang panahon. Hahanapin ninyo ako, at tulad ng sinabi ko sa mga Judio, 'Kung saan ako pupunta, hindi kayo makakapunta.' Ngayon sinasabi ko rin ito sa inyo. 34 Binibigyan ko kayo ng isang bagong kautusan, na dapat ninyong mahalin ang bawat isa, kung paano ko kayo minahal, gayundin naman dapat ninyong mahalin ang bawat isa. 35 Sa pamamagitan nito, malalaman ng lahat ng tao na kayo ay aking mga alagad, kung mahahalin niyo ang bawat isa." 36 Sinabi sa kaniya ni Simon Pedro, "Panginoon, saan kayo pupunta?" Sumagot si Jesus, kung saan ako pupunta, sa ngayon ay hindi kayo makakasunod, ngunit makakasunod kayo pagkatapos nito." 37 Sinabi ni Pedro sa kaniya, "Panginoon, bakit hindi kita masusundan kahit ngayon? Ibibigay ko ang buhay ko para sa iyo." 38 Sumagot si Jesus, "Ibibigay mo ang buhay mo para sa akin? Tunay nga sinasabi ko sa iyo, hindi titiilaok ang tandang hanggang ikaila mo ako ng tatlong beses.
Chapter 14
1 Huwag ninyong hayaan mabalisa ang inyong puso. Manampalataya kayo sa Diyos; manampalataya rin kayo sa akin. 2 Sa tahanan ng aking Ama ay maraming mga tirahan; Kung hindi gayon, sinabi ko na sana sa inyo; sapagka't aalis ako upang maghanda ng tirahan para sa inyo. 3 Kung aalis ako at maghanda ng matititrahan ninyo, ako ay muling babalik at tatanggapin kayo sa aking sarili, upang kung saan man ako, kayo ay naroon din. 4 Alam ninyo ang daan kung saan ako pupunta." 5 Sinabi ni Tomas kay Jesus, "Panginoon, hindi namin alam kung saan kayo pupunta, papaano namin malalaman ang daan? 6 Sabi ni Jesus sa kaniya, "Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay; walang sinuman ang makararating sa Ama maliban sa pamamagitan ko. 7 Kung nakilala mo na ako, dapat kilala mo na rin ang aking Ama; mula ngayon kilala mo na siya at nakita mo na siya." 8 Ang sabi ni Felipe kay Jesus, "Panginoon, ipakita mo sa amin ang Ama, at iyon ay sapat na sa amin". 9 Ang sabi ni Jesus sa kaniya, "Felipe, hindi ba matagal na akong kasama ninyo, at hindi mo pa rin ako nakikilala? Kung sinuman ang nakakita sa akin, nakakita sa Ama; paano mo nasasabi, 'Ipakita sa amin ang Ama'? 10 Hindi ka ba naniniwala na ako ay nasa Ama at ang Ama ay nasa akin? Ang mga salitang sinasabi ko sa inyo ay sinasabi ko hindi sa aking sariling kapasyahan; sa halip, ito ay ang Ama na nananahan sa akin na siyang gumagawa ng kaniyang gawain. 11 Maniwala kayo sa akin, na ako ay nasa Ama, at ang Ama ay nasa akin; o kaya, maniwala kayo sa akin dahil sa mismo kong ginagawa. 12 Tunay nga ang sinasabi ko sa inyo, sinuman ang sumasampalataya sa akin, sa mga gawain na ginagawa ko, gagawin niya rin itong mga ginagawa ko; at gagawa siya ng mas higit na dakilang mga gawain dahil ako ay pupunta sa Ama. 13 Anuman ang inyong hingin sa aking pangalan, gagawin ko upang ang Ama ay maluluwalhati sa Anak. 14 Kung anuman ang inyong hingin sa aking pangalan, iyon ay gagawin ko. 15 Kung mahal ninyo ako, susundin ninyo ang aking mga kautusan. 16 At mananalangin ako sa Ama, at bibigyan niya kayo ng isa pang Manga-aliw upang siya ay sumainyo magpakailanman, 17 na ang Espiritu ng katotohanan. Hindi siya maaaring tanggapin ng mundo dahil hindi siya nakikita nito o nakikilala man. Subalit, kayo, kilala ninyo siya, dahil nanatili siya sa inyo at sasainyo. 18 Hindi ko kayo iiwanan nang nag-iisa. Babalik ako sa inyo. 19 Sa sandaling panahon, hindi na ako makikita ng mundo, ngunit makikita ninyo ako. Sapagkat nabubuhay ako, mabubuhay din kayo. 20 Sa araw na iyon, malalaman ninyo na ako ay nasa Ama, at kayo ay nasa akin, at ako ay nasa inyo. 21 Ang sinuman na mayroon ng aking mga kautusan at isinasagawa ang mga ito; siya ang nagmamahal sa akin; at siya na nagmamahal sa akin ay mamahalin ng aking Ama, at mamahalin ko rin siya, at ipakikita ko sa kaniya ang aking sarili." 22 Sinabi ni Judas (hindi si Iscariote) kay Jesus, "Panginoon, ano ang nangyayari na inyong ipakikita ang iyong sarili sa amin at hindi sa mundo?" 23 Sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya: "Kung sinuman ang magmamahal sa akin, isasagawa niya ang aking salita. Mamahalin siya ng aking Ama, at kami ay paparoon sa kaniya at gagawa kami ng aming tirahan kasama niya. 24 Ang sinumang hindi nagmamahal sa akin ay hindi isinasagawa ang aking mga salita. Ang salitang inyong naririnig ay hindi sa akin, ngunit sa Ama na nagsugo sa akin. 25 Sinabi ko na sa inyo ang mga bagay na ito, habang ako ay nabubuhay pa kasama ninyo. 26 Subalit, ang Manga-aliw na ang Banal na Espiritu na ipapadala ng Ama sa aking pangalan ay magtuturo sa inyo ng lahat ng mga bagay at magpapaalala ng lahat ng aking sinabi sa inyo. 27 Kapayapaan ang iiwan ko sa inyo; ibinibigay ko ang aking kapayapaan sa inyo. Hindi ko ito ibinibigay katulad ng pagbibigay ng mundo. Huwag hayaang mabalisa ang inyong puso, at huwag ito hayaang matakot. 28 Narinig ninyo ang sinabi ko sa inyo, "Ako ay aalis, at babalik ako sa inyo'. Kung minahal ninyo ako, nagagalak na sana kayo dahil pupunta ako sa Ama, sapagkat ang Ama ay higit na dakila kaysa sa akin. 29 Ngayon nasabi ko na sa inyo bago pa ito mangyayari upang kung mangyari man ito, kayo ay maaring maniwala. 30 Hindi na ako masyadong magsasalita sa inyo, dahil darating na ang prinsipe ng mundong ito. Wala siyang kapangyarihan sa akin, 31 ngunit upang malaman ng mundo na mahal ko ang Ama, ginagawa ko kung ano ang inuutos ng Ama sa akin, katulad lamang ng pagbigay niya sa akin ng kautusan. Magsitindig na kayo, umalis na tayo sa lugar na ito."
Chapter 15
1 Ako ang tunay na puno ng ubas at ang aking Ama ang tagapag-alaga ng ubasan. 2 Inaalis niya sa akin ang bawat sanga na hindi nagbubunga, at nililinis niya ang bawat sanga na nagbubunga upang ito ay lalong mamunga ng higit pa. 3 Kayo ay malinis na dahil sa mensahe na sinabi ko sa inyo. 4 Manatili kayo sa akin at ako sa inyo. Katulad ng sanga na hindi maaring magbunga sa kaniyang sarili, maliban na ito ay nananatili sa puno, kaya hindi rin kayo maaring magbunga, maliban kung kayo ay mananatili sa akin. 5 Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga. Ang mananatili sa akin at ako sa kaniya, ang tao ring ito ay namumunga ng marami, sapagka't wala kayong magagawa kung kayo ay hiwalay sa akin. 6 Ang sinumang hindi nanatili sa akin, tinatapon siya katulad ng sanga at natutuyo; tinitipon ng mga tao ang mga sanga at itinatapon ang mga ito sa apoy, at ang mga ito ay sinusunog. 7 Kung kayo ay mananatili sa akin, at kung ang aking mga salita ay mananatili sa inyo, humingi kayo ng anumang nais ninyo, at ito ay gagawin para sa inyo. 8 Sa ganito ay naluluwalhati ang aking Ama na kayo ay mamunga ng marami at na kayo ay maging aking mga alagad. 9 Katulad ng pagmamahal sa akin ng Ama, kayo rin ay minahal ko, manatili kayo sa aking pagmamahal. 10 Kung tutuparin ninyo ang aking mga kautusan, mananatili kayo sa aking pagmamahal katulad ng pagtutupad ko sa mga kautusan ng Ama at nanatili sa kaniyang pagmamahal. 11 Sinasabi ko ang mga bagay na ito sa inyo upang ang aking kagalakan ay sumainyo at upang ang inyong kagalakan ay maging lubos. 12 Ito ang akin kautusan, na dapat ninyong mahalin ang isa't isa katulad ng pagmamahal ko sa inyo. 13 Walang sinuman ang nagmahal na hihigit pa rito, na kaniyang inaalay ang kaniyang buhay para sa kaniyang mga kaibigan. 14 Kayo ay mga kaibigan ko kung ginagawa ninyo ang mga bagay na iniuutos ko sa inyo. 15 Hindi ko na kayo tinatawag na mga lingkod, dahil hindi nalalaman ng lingkod kung ano ang ginagawa ng kaniyang Panginoon. Tinawag ko kayong mga kaibigan dahil ipinaalam ko sa inyo ang lahat ng mga bagay na narinig ko mula sa aking Ama. 16 Hindi kayo ang pumili sa akin ngunit pinili ko kayo at itinalaga kayo na humayo at magbunga at manatili ang inyong bunga. Ito ay upang kung anuman ang hingin ninyo sa Ama sa aking pangalan, ibibigay niya ito sa inyo. 17 Ang mga bagay na ito ay iniuutos ko sa inyo, na magmahalan kayo sa isa't isa. 18 Kung kinamumuhian kayo ng mundo, alam ninyo na kinamuhian muna ako nito bago kayo kamuhian nito. 19 Kung kayo ay sa mundo, mamahalin kayo ng mundo bilang sa kaniya; ngunit dahil hindi kayo sa mundo, at dahil pinili ko kayo mula sa mundo, sa kadahilanang ito kayo ay kinamumuhian ng mundo. 20 Tandaan ninyo ang salitang sinabi ko sa inyo. 'Ang lingkod ay hindi mas dakila kaysa sa kaniyang panginoon'. Kung inusig nila ako, uusigin din nila kayo; kung sinunod nila ang aking salita, susundin din nila ang sa inyo. 21 Gagawin nila ang lahat ng mga bagay na ito sa inyo dahil sa aking pangalan sapagkat hindi nila kilala ang nagsugo sa akin. 22 Kung hindi ako dumating at nagsalita sa kanila, hindi sana sila nagkasala; subali't ngayon wala silang maidadahilan para sa kanilang kasalanan. 23 Ang namumuhi sa akin ay namumuhi rin sa akin Ama. 24 Kung hindi ko sana ginawa sa kanilang kalagitnaan ang mga gawain na hindi pa nagawa ninuman; hindi sana sila nagkaroon ng kasalanan, ngunit ngayon, pareho na nilang nakita at kinamuhian ako at ang aking Ama. 25 Ito ay nangyayari upang ang salita ay matupad na ayon sa nakasulat sa kanilang kautusan: Kinamumuhian nila ako ng walang kadahilanan." 26 Kapag darating na ang Manga-aliw na siyang aking isusugo sa inyo mula sa Ama, na ang Espiritu ng katotohanan, na nanggaling mula sa Ama, magpapatotoo siya tungkol sa akin. 27 Magpapatotoo rin kayo dahil kasama ko na kayo mula pa sa simula.
Chapter 16
1 Sinabi ko ang mga bagay na ito sa inyo upang hindi kayo matisod. 2 Palalayasin nila kayo sa mga sinagoga; tunay nga na darating ang oras na ang sinumang papatay sa inyo ay mag-aakalang gumagawa siya ng mabuting gawain para sa Diyos. 3 Gagawin nila ang mga bagay na ito dahil hindi nila nakikilala ang Ama o ako. 4 Sinabi ko ang mga bagay na ito sa inyo upang kung ang oras ay dumating para ang mga ito ay mangyari, maaari ninyong maalala ang mga ito at kung paano ko sinabi sa inyo ang mga bagay tungkol sa mga ito. Hindi ko sinabi sa inyo ang mga bagay na ito noong simula dahil ako ay kasama ninyo. 5 Subalit, ngayon ako ay pupunta sa kaniya na nagsugo sa akin, ngunit wala ni isa man sa inyo ang nagtanong sa akin: " Saan ka pupunta?" 6 Dahil sa sinabi ko sa inyo ang mga bagay na ito, napuno ng kalungkutan ang inyong puso. 7 Gayunpaman, sinasabi ko sa inyo ang katotohanan: makabubuti sa inyo na ako ay lumisan; dahil kung hindi ako lilisan; hindi darating sa inyo ang Manga-aliw, subalit kung ako ay lilisan, susuguin ko siya sa inyo. 8 Sa kaniyang pagdating, ipahahayag ng Mangaaliw sa mundo tungkol sa kasalanan, tungkol sa katuwiran at tungkol sa paghuhukom-- 9 tungkol sa kasalanan, dahil hindi sila naniniwala sa akin, 10 tungkol sa katuwiran, dahil ako ay pupunta sa Ama, at hindi na ninyo ako makikita, 11 at tungkol sa paghuhukom, dahil ang prinsipe ng mundong ito ay nahatulan na. 12 Maraming mga bagay akong sasabihin sa inyo, subalit hindi ninyo mauunawaan ang mga ito sa ngayon. 13 Subalit, kapag siya na Espiritu ng Katotohanan ay dumating, gagabayan niya kayo sa lahat ng katotohanan: dahil hindi siya magsasalita mula sa kaniyang sarili, ngunit anumang mga bagay ang naririnig niya, sasabihin niya ang mga ito, at ihahayag niya sa inyo ang mga bagay na darating. 14 Luluwalhatiin niya ako, dahil kukunin niya ang mga bagay na akin, at ihahayag ang mga ito sa inyo. 15 Ang lahat ng anumang bagay na mayroon ang Ama ay akin. Kaya nga sinabi ko na kukunin ng Espritu ang mga bagay na akin at ihahayag ang mga ito sa inyo. 16 Sa kaunting panahon na lamang, ako ay hindi na ninyo makikita, pagkatapos muli ng kaunting panahon makikita ninyo ako." 17 Ang ilan sa mga alagad ay nagsabi sa isa't -isa, "Ano itong sinasabi niya sa atin, 'Sa kaunting panahon at hindi na ninyo ako makikita,' at muli 'Sa kaunting panahon at makikita ninyo ako' at 'Dahil ako ay pupunta sa Ama?' 18 Kaya nga sinabi nila, "Ano nga ito na sinabi niya, 'Sa kaunting panahon?' Hindi natin alam ang sinasabi niya." 19 Nakita ni Jesus na sila ay sabik na tanungin siya, at sinabi niya sa kanila, "Tinatanong ba ninyo ang inyong mga sarili tungkol dito, na aking sinabi, 'Sa kaunitng panahon ay hindi na ninyo ako makikita; at matapos ang kaunting panahon, muling makikita ninyo ako?' 20 Tunay nga na sinasabi ko sa inyo, kayo ay mananangis at mananaghoy, subalit ang mundo ay magagalak; kayo ay magdadalamhati subalit ang inyong dalamhati ay magiging kagalakan. 21 Ang babae ay may dalamhati kapag siya ay nakararamdam ng pananakit ng tiyan dahil ang oras ng kaniyang panganganak ay malapit na; ngunit kapag naipanganak na niya ang bata, hindi na niya naaalala ang sakit dahil sa kaniyang kagalakan na isang sanggol ay naipanganak na sa mundo. 22 Kayo rin, may dalamhati kayo ngayon, ngunit makikita ko kayong muli; at ang inyong puso ay magagalak, at walang sinumang makapag-aalis ng kagalakang ito mula sa inyo. 23 Sa araw na iyon, hindi kayo magtataong ng kahit anong tanong. Tunay nga na sinasabi ko sa inyo, kung anuman ang hingin ninyo sa Ama, ibibigay niya ito sa inyo sa aking pangalan. 24 Hanggang ngayon wala pa kayong hinihinging anuman sa aking pangalan; humingi kayo at kayo ay tatanggap upang ang inyong kagalakan ay maging lubos. 25 Sinabi ko sa inyo ang mga bagay na ito sa nakakubling wika, ngunit ang oras ay darating, na hindi na ako magsasalita sa inyo sa nakakubling wika, ngunit sa halip sasabihin ko ng malinaw ang tungkol sa Ama. 26 Sa araw na iyon kayo ay hihingi sa aking pangalan, at hindi ko sinasabi na ako ay dadalangin sa Ama para sa inyo; 27 dahil ang Ama mismo ay nagmamahal sa inyo, dahil minahal ninyo ako at sapagka't kayo ay naniwala na ako ay nagmula sa Ama. 28 Nagmula ako sa Ama, at ako ay dumating sa mundo; muling lilisanin ko ang mundo at ako ay pupunta sa Ama. 29 Sinabi ng kaniyang mga alagad sa kaniya, "Tingnan mo, ngayon ay nagsasalita ka sa amin ng malinaw at hindi gumagamit ng matalinghagang pananalita. 30 Ngayon alam na namin na nalalaman mo ang lahat ng mga bagay at hindi mo kailangan ang sinuman upang ikaw ay tanungin ng mga katanungan. Dahil dito naniniwala kami na ikaw ay nagmula sa Diyos. 31 Sinagot sila ni Jesus, "Naniniwala na ba kayo?" 32 Tingnan ninyo, ang oras ay paparating, oo at dumating na nga, na kayo ay magkakahiwa-hiwalay, bawa't isa sa kaniyang sariling pag-aari, at iiwanan ninyo akong mag-isa. Subalit ako ay hindi nag-iisa dahil ang Ama ay kasama ko. 33 Sinabi ko na sa inyo ang mga bagay na ito upang magkaroon kayo ng kapayapaan sa akin. Sa mundo, kayo ay mayroong mga kabalisahan, subalit lakasan ninyo ang inyong loob; napagtagumpayan ko na ang mundo.
Chapter 17
1 Sinabi ni Jesus ang mga bagay na ito; pagkatapos, tumingala siya sa langit at sinabi, "Ama, dumating na ang oras; luwalhatiin mo ang iyong Anak upang ikaw ay luwalhatiin ng Anak-- 2 tulad ng pagbigay mo sa kaniya ng kapangyarihan sa lahat ng laman upang siya ay makapagbigay ng buhay na walang hanggan sa lahat ng sinumang ibinigay mo sa kaniya. 3 Ito ang buhay na walang hanggan: na ikaw ay dapat nilang makilala, ang nag-iisang tunay na Diyos, at ang isinugo mong si Jesu-Cristo. 4 Ikaw ay niluwalhati ko sa lupa, pagkatupad ko sa mga gawain na ibinigay mo sa akin para gawin. 5 Ngayon, Ama, luwalhatiin mo ako kasama ng iyong sarili sa kaluwalhatian na mayroon ako sa iyo bago pa nalikha ang mundo. 6 Ipinahayag ko ang iyong pangalan sa mga tao na ibinigay mo sa akin mula sa mundo. Sila ay iyo; at ibinigay mo sila sa akin, at pinanatili nila ang iyong salita. 7 Ngayon, alam nila na kahit anumang mga bagay na ibinigay mo sa akin ay nagmula sa iyo, 8 dahil ang mga salitang ibinigay mo sa akin -- ibinigay ko ang mga salitang ito sa kanila. Tinanggap nila ang mga ito at totoong nalaman na ako ay nanggaling sa iyo, at naniwala sila na ako ay isinugo mo. 9 Nananalangin ako para sa kanila. Hindi ako nananalangin para sa mundo ngunit para sa kanilang mga ibinigay mo sa akin, dahil sila ay sa iyo. 10 Ang lahat ng bagay na akin ay sa iyo, at ang mga bagay na sa iyo ay akin; naluwalhati ako sa kanila. 11 Ako ay hindi na sa mundo, ngunit ang mga taong ito ay nasa mundo, at ako ay pupunta na sa iyo. Banal na Ama, panatilihin sila sa iyong pangalan na ibinigay mo sa akin upang sila ay maging isa, katulad natin na iisa. 12 Habang ako ay kasama nila, pinanatili ko sila sa iyong pangalan na ibinigay mo sa akin; binantayan ko sila, at wala ni isa sa kanila ang napahamak, maliban sa anak ng kapahamakan, upang ang kasulatan ay matupad. 13 Ngayon, ako ay pupunta sa iyo; ngunit sinasabi ko ang mga bagay na ito sa mundo upang sila ay magkaroon ng aking kagalakan na ginawang lubos sa kanilang mga sarili. 14 Naibigay ko na sa kanila ang iyong salita; ang mundo ay namuhi sa kanila sapagkat hindi sila sa mundo, katulad lamang na ako ay hindi sa mundo. 15 Hindi ko ipinapanalangin na dapat mo silang kunin mula sa mundo ngunit sila ay dapat mong pangalagaan mula sa kaniya na masama. 16 Sila ay hindi mula sa mundo, tulad ko na hindi mula sa mundo. 17 Italaga mo sila sa iyong sarili na nasa katotohanan; ang iyong salita ay katotohanan. 18 Isinugo mo ako sa mundo, at isinugo ko sila sa mundo. 19 Alang-alang sa kanila itinalaga ko ang aking sarili sa iyo ng sa gayon sila din ay maitalaga sa iyo sa katotohanan. 20 Hindi ako nanalangin para lang sa mga ito, ngunit pati na rin sa mga mananampalataya sa akin sa pamamagitan ng kanilang salita 21 upang lahat sila ay maging isa, na gaya mo, Ama, ay nasa akin, at ako ay nasa iyo. Ipinapanalangin ko na sila rin ay magig isa sa atin upang ang mundo ay maniwala na isinugo mo ako. 22 Ang kaluwalhatian na ibinigay mo sa akin -- ibinigay ko ito sa kanila, upang sila ay maging isa, tulad natin na iisa -- 23 ako sa kanila, at ikaw sa akin, na sila ay maging ganap na iisa; nang malaman ng mundo na ikaw ang nagsugo sa akin, at minahal ko sila, tulad ng pagmamahal mo sa akin. 24 Ama, silang mga ibinigay mo sa akin -- nais ko rin na sila ay makasama ko kung nasasaan ako, upang makita nila ang kaluwalhatian ko, na ibinigay mo sa akin: dahil ako ay minahal mo mula noong bago pa lang natatag ang mundo. 25 Amang matuwid, hindi ka kilala ng mundo, ngunit ikaw ay kilala ko; at alam ng mga ito na isinugo mo ako. 26 Ipinahayag ko ang iyong pangalan sa kanila, at ipapahayag ko ito upang ang pagmamahal na iyong ibinigay sa akin ay mapasakanila, at ako ay mapasakanila."
Chapter 18
1 Pagkatapos sabihin ni Jesus ang mga salitang ito, lumabas siya kasama ang kaniyang mga alagad sa Lambak ng Cedron, kung saan mayroong isang hardin na kaniyang pinasok, siya at ang kaniyang mga alagad. 2 Ngayon si Judas na magkakanulo sa kaniya ay alam din ang lugar, dahil madalas magpunta roon si Jesus kasama ang kaniyang mga alagad. 3 Pagkatapos, si Judas, pagkatanggap sa grupo ng mga sundalo at ang mga opisiyal mula sa mga pinunong mga pari at ng mga Pariseo, dumating roon ng may mga lampara, mga sulo at mga sandata. 4 Pagkatapos, si Jesus, na nakaaalam ng lahat ng mga bagay na nangyayari sa kaniya, ay pumunta sa harapan at tinanong sila, "Sino ang inyong hinahanap?" 5 Sumagot sila sa kaniya "Si Jesus ng Nazaret." Sinabi ni Jesus sa kanila, "Ako iyon." Si Judas, na siyang nagkanulo sa kaniya, ay nakatayo rin kasama ng mga sundalo. 6 Kaya nang sinabi niya sa kanila, "Ako nga," umatras sila at bumagsak sa lupa. 7 Pagkatapos, muli niya silang tinanong, "Sino ang inyong hinahanap?" Muli nilang sinabi, "Si Jesus ng Nazaret." 8 Sumagot si Jesus, "Sinabi ko na sa inyo na ako nga siya; kaya kung ako ang inyong hinahanap, hayaan ninyong makaalis ang mga ito." 9 Ito ay upang matupad ang salita na kaniyang sinabi: "Sa lahat ng mga ibinigay mo sa akin, wala ni isang nawala." 10 Pagkatapos, si Simon Pedro na may isang espada, ay hinugot ito at tinaga ang lingkod ng pinunong pari at tinapyas ang kaniyang kanang tenga. Ngayon, ang pangalan ng lingkod ay Malco. 11 Sinabi ni Jesus kay Pedro, "Ibalik mo ang espada sa lalagyan nito. Ang tasa na ibinigay ng Ama sa akin, hindi ko ba ito dapat iinumin?" 12 Kaya dinakip si Jesus ng grupo ng mga sundalo, at ng kapitan, at ng mga opisiyal ng mga Judio at ginapos siya. 13 Una siyang dinala nil kay Annas, sapagkat siya ang biyenan ni Caifas na pinunong pari ng taong iyon. 14 Ngayon, si Caifas ang nagbigay ng payo sa mga Judio na naaangkop na isang tao ang dapat mamatay para sa mga tao. 15 Sinundan ni Simon Pedro si Jesus, gayun din ang isa pang alagad. Ngayon, ang alagad na iyon ay kilala ng pinakapunong pari, at siya ay pumasok kasama ni Jesus sa patyo ng pinakapunong pari; 16 ngunit nakatayo si Pedro sa pinto sa labas. Kaya ang isa pang disipulo, na kilala ng pinakapunong pari, ay lumabas at kinausap ang babaeng lingkod na nagbabantay ng pinto, at ipinasok si Pedro. 17 Pagkatapos, sinabi ng babaeng lingkod na nagbabantay sa pinto kay Pedro, "Hindi ba isa ka rin sa mga alagad ng lalaking ito?" Sinabi niya, "Hindi." 18 Ngayon, ang mga lingkod at ang mga opisiyal ay nakatayo roon; gumawa sila ng apoy gamit ang uling, sapagkat malamig noon, at pinapainitan nila ng kanilang mga sarili. Si Pedro ay kasama rin nilang nakatayo at pinapainitan ang kaniyang sarili. 19 Tinanong ng pinakapunong pari si Jesus tungkol sa kaniyang mga alagad at kaniyang katuruan. 20 Sinagot siya ni Jesus, "Ako ay hayagang nagsasalita sa mundo; palagi akong nagtuturo sa mga sinagoga at sa templo kung saan ang lahat ng mga Judio ay nagsasama -sama. Wala akong sinabi na palihim. 21 Bakit mo ako tinatanong? Tanungin mo ang mga nakapakinig sa akin tungkol sa aking sinabi. Alam ng mga taong ito ang mga bagay na aking sinabi." 22 Nang masabi ito ni Jesus, hinampas si Jesus ng isa sa mga opisiyal na nakatayo sa malapit sa pamamagitn ng kaniyang kamay at sinabi, "Ganiyan ka ba dapat sumagot sa pinakapunong pari?" 23 Sinagot siya ni Jesus, "Kung may sinabi akong anumang masama, maging saksi ka sa kasamaan. Gayunman, kung maayos akong sumagot, bakit mo ako hinampas?" 24 Pagkatapos nito pinadala ni Annas si Jesus na nakagapos kay Caifas na pinakapunong pari. 25 Ngayon si Simon Pedro ay nakatayo at pinapainitan ang kaniyang sarili. At sinabi ng mga tao sa kaniya, "Hindi ba isa ka rin sa kaniyang mga alagad? Itinanggi niya ito at sinabi, "Hindi." 26 Ang isa sa mga lingkod ng pinakapunong pari, na kamag-anak ng lalaking tinapyas ni Pedro ang tenga, ay nagsabi, "Hindi ba nakita kita sa hardin kasama niya?" 27 At itinanggi itong muli ni Pedro, at agad-agad tumilaok ang tandang. 28 Pagkatapos ay dinala nila si Jesus mula kay Caifas patungo sa Pretorio. Umagang-umaga pa noon at sila mismo ay hindi pumasok sa Pretorio upang hindi sila marumihan at upang sila ay makakain sa Paskwa. 29 Kaya lumabas si Pilato sa kanila at sinabing, "Anong paratang ang dala-dala ninyo laban sa lalaking ito?" 30 Sumagot sila at sinabi sa kaniya, "Kung ang lalaking ito ay hindi manggagawa ng masama, hindi namin siya dadalhin sa iyo." 31 Kaya sinagot sila ni Pilato, "Dalhin ninyo siya, at hatulan siya ayon sa inyong batas." Sinabi ng mga Judio sa kaniya, "Hindi naaayon sa batas para sa amin ang pumatay ng sinumang tao." 32 Sinabi nila ito upang matupad ang mga salita ni Jesus, ang salita na kaniyang sinabi na ipinahiwatig kung anong uri ng kamatayan siya mamamatay. 33 Pagkatapos, muling pumasok si Pilato sa Pretorio at tinawag si Jesus, sinabi niya sa kaniya, "Ikaw ba ang hari ng mga Judio?" 34 Sumagot si Jesus, "Tinatanong mo ba ito ayon sa iyong sariling palagay, o sinabi ng iba sa iyo na itanong ito sa akin? 35 Sumagot si Pilato, "Hindi ako Judio, di ba? Ang iyong sariling bayan at ang mga pinunong pari ay dinala ka dito sa akin; ano ba ang iyong ginawa?" 36 Sumagot si Jesus, "Ang aking kaharian ay hindi sa mundong ito. Kung ang aking kaharian ay kabahagi ng mundong ito, makikipaglaban ang aking mga lingkod upang hindi ako maibigay sa mga Judio. Sa katunayan, ang aking kaharian ay hindi nagmumula dito." 37 Pagkatapos, sinabi ni Pilato sa kaniya, "Ikaw nga ba ay isang hari?" Sumagot si Jesus, "Sinabi mo na ako ay hari. Ako ay ipinanganak para sa layuning ito, at para sa layuning ito ako naparito sa mundo upang ako ay magpatotoo sa katotohanan. Lahat ng kabilang sa katotohanan ay nakikinig ng aking tinig." 38 Sinabi ni Pilato sa kaniya, "Ano ang katotohanan?" Nang masabi niya ito, lumabas siya muli sa mga Judio at sinabi sa kanila, "Wala akong nakitang krimen sa taong ito. 39 Mayroon kayong kaugalian na dapat akong magpalaya ng isang tao sa Paskwa. Kaya gusto ba ninyong pakawalan ko sa inyo ang Hari ng mga Judio?" 40 Sumigaw silang muli at sinabi, "Hindi ang lalaking ito, kundi si Barabas. Ngayon si Barabas ay isang tulisan.
Chapter 19
1 Pagkatapos kinuha ni Pilato si Jesus at nilatigo siya. 2 Ang mga sundalo ay pumilipit ng mga tinik upang gumawa ng korona. Inilagay nila ito sa ulo ni Jesus at dinamitan siya ng kulay lilang na kasuotan. 3 Lumapit sila sa kaniya at sinabi, "Bigyang parangal, ang Hari ng mga Judio!" At hinampas nila siya ng kanilang mga kamay. 4 Pagkatapos ay lumabas muli si Pilato at sinabi sa mga tao. "Tingnan ninyo, inilalabas ko ang lalaki sa inyo upang malaman ninyo na wala akong nakitang kasalanan sa kaniya." 5 Kaya lumabas si Jesus; suot- suot niya ang koronang mga tinik at kulay lilang na kasuotan. Pagkatapos sinabi ni Pilato sa kanila, "Tingnan ninyo, narito ang lalaki." 6 Kaya nga nang makita ng mga pinunong pari at ng mga opisiyal si Jesus, sumigaw sila at sinabin, "Ipako siya! Ipako siya!" Sinabi ni Pilato sa kanila, "Kayo na mismo ang kumuha sa kaniya at ipako siya sapagkat wala akong nakitang krimen sa kaniya." 7 Sumagot ang mga Judio kay Pilato, "Mayroon kaming isang batas, at sa pamamagitan ng batas na iyon dapat siyang mamatay dahil ginawa niya ang kaniyang sarili na Anak ng Diyos." 8 Nang marinig ni Pilato ang pahayag na ito, mas lalo pa siyang natakot, 9 at pumasok siyang muli sa Pretorio at sinabi kay Jesus, "Saan ka nanggaling?" Subalit hindi siya binigyan ng sagot ni Jesus. 10 Pagkatapos, sinabi ni Pilato sa kaniya, "Hindi ka ba magsasalita sa akin? Hindi mo ba alam na may kapangyarihan ako na palayain ka at kapangyarihan na ipapako ka?" 11 Sumagot si Jesus sa kaniya, "Wala kang kapangyarihan laban sa akin maliban kung ito ay ibinigay sa iyo mula sa itaas. Kaya ang taong nagdala sa akin sa iyo ay may mas malaking kasalanan." 12 Sa sagot na ito, sinubukan ni Pilato na palayain siya, ngunit ang mga Judio ay sumigaw at sinabi, "Kung papalayain mo ang lalaking ito, ikaw ay hindi kaibigan ni Cesar: Lahat ng tao na ginagawa ang kaniyang sarili na isang hari ay nagsasalita laban kay Cesar." 13 Nang marinig ni Pilato ang mga salitang ito, inilabas niya si Jesus at umupo sa upuan ng paghuhukom sa lugar na tinatawag na Ang Entablado, ngunit sa Hebreo ay Gabbatha. 14 Ngayon, ito ay ang araw ng paghahanda para sa Paskwa, nang mag-iika-anim na oras. Sinabi ni Pilato sa mga Judio, "Tingnan ninyo, narito ang inyong hari!" 15 Sumigaw sila, "ilayo ninyo siya sa amin, ilayo ninyo siya amin, ipako siya." Sinabi ni Pilato sa kanila, "Dapat ko bang ipako ang inyong Hari?" Sumagot ang mga pinunong pari, "Wala kaming ibang hari kundi si Cesar." 16 Pagkatapos, ibinigay ni Pilato si Jesus sa kanila upang maipako. 17 Kaya dinala nila si Hesus, at siya ay lumabas, pasan-pasan niya ang krus, tungo sa lugar na kung tawagin ay Ang Lugar ng Bungo, na sa Hebreo ay tinatawag na Golgota. 18 Doon nila ipinako si Jesus, kasama niya ang dalawa pang lalaki, isa sa magkabilang tabi, at nasa gitna si Jesus. 19 Sumulat rin si Pilato ng karatula at inilagay ito sa krus. Ito ang nakasulat doon: SI JESUS Na TAGA NAZARET, ANG HARI NG MGA JUDIO. 20 Maraming mga Judio ang nakabasa ng karatulang ito dahil ang lugar kung saan ipinako si Jesus ay malapit sa lungsod. Ang karatula ay naisulat sa Hebreo, sa Latin at sa Griyego. 21 At sinabi ng mga pinunong pari ng mga Judio kay Pilato, "Huwag mong isulat, 'Ang hari ng mga Judio', sa halip ay ang sinabi niyang, 'Ako ang Hari ng mga Judio.'" 22 Sumagot si Pilato, "Ang naisulat ko na ay naisulat ko na." 23 Pagkatapos ipako ng mga sundalo si Jesus, kinuha nila ang kaniyang kasuotan at pinaghatihati ng apat, isang bahagi sa bawat sundalo, at gayon din ang tunika. Ngayon ang tunika ay walang tahi, ito ay hinabi mula sa itaas at sa lahat ng bahagi. 24 Pagkatapos sinabi nila sa isa't isa, "Huwag nating punitin ito, sa halip tayo ay magsapalaran para dito upang malaman natin kung kanino ito mapupunta." Nangyari ito upang maganap ang kasulatan na nagsasabi, "Pinaghati-hatian nila ang mga kasuotan ko sa kanilang mga sarili, at para sa aking damit sila ay nagsapalaran." 25 Ginawa ng mga sundalo ang mga bagay na ito. Ang ina ni Jesus, ang kapatid ng ina ni Jesus, si Maria na asawa ni Cleopas, at Maria Magdalena-- ang mga babaeng ito ay nakatayo malapit sa krus ni Jesus. 26 Nang makita ni Jesus ang kaniyang ina at ang alagad na kaniyang minamahal na nakatayo sa malapit, sinabi ni Jesus sa kaniyang ina, "Babae, tingnan mo, narito ang iyong anak." 27 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa alagad, "Tingnan mo, narito ang iyong ina!" Mula sa mga oras na iyon tinanggap na siya ng alagad na kabahagi ng sariling niyang tahanan. 28 Pagkatapos nito si Jesus, dahil alam niya na ang lahat ng mga bagay ay tapos na, upang ang kasulatan ay magkatotoo sinabi niya, "Ako ay nauuhaw." 29 Isang lalagyan na puno ng maasim na alak ang nailagay doon, kaya naglagay sila ng isang espongha puno ng maasim na alak sa isang tukod ng isopo at iniangat ito sa kaniyang bibig. 30 Nang matanggap ni Jesus ang maasim na alak, sinabi niya, "Naganap na." Iniyuko niya ang kaniyang ulo at isinuko ang kaniyang espiritu. 31 Noon ay Paghahanda, at upang hindi manatili ang katawan sa krus habang Araw ng Pamamahinga, (sapagkat ang Araw ng Pamamahinga ay isang mahalagang araw), hiniling ng mga Judio kay Pilato na ang mga binti ng mga lalaking ipinako ay baliin, at ibaba na ang kanilang mga katawan. 32 At pumunta ang mga sundalo at binali ang mga binti ng unang lalaki at ng ikalawang lalaki na napako kasama ni Jesus. 33 Nang pumunta sila kay Jesus, nakita nila na siya ay patay na kaya hindi na nila binali ang kaniyang mga binti. 34 Gayunpaman, tinusok ng isa sa mga sundalo ang kaniyang tagiliran gamit ang sibat, at agad-agad lumabas ang dugo at tubig. 35 Ang nakakita nito ay naging saksi at at ang kaniyang patotoo ay totoo. Alam niya na anuman ang kaniyang sinabi ay totoo upang kayo din ay maniwala. 36 Ang mga bagay na ito ay nangyari upang ang kasulatan ay matupad, "Walang mababali ni isa sa kaniyang mga buto." 37 Isa pang kasulatan ay nagsabi, "Pagmamasdan nila siya na kanilang ipinako." 38 Pagkatapos ng mga bagay na ito, si Jose na taga Arimatea, dahil siya ay isa sa mga alagad ni Jesus, ngunit sa takot sa mga Judio ay palihim na hiniling kay Pilato kung maaari niyang kunin ang katawan ni Jesus. Binigyan siya ni Pilato ng pahintulot. Kaya pumunta si Jose at kinuha ang kaniyang katawan. 39 Pumunta rin si Nicodemo, na siyang unang pumunta kay Jesus ng gabi. Nagdala siya ng pinaghalong mira at sabila, mga isang daang litras ang bigat. 40 Kaya kinuha nila ang katawan ni Jesus at binalot ito ng telang lino na may kasamang mga pabango, ayun sa kaugalian ng mga Judio sa paglilibing ng mga katawan. 41 Ngayon, sa lugar kung saan siya napako ay may isang hardin; at sa hardin na iyon ay may isang bagong libingan na kung saan ay wala pang tao na naililibing. 42 Dahil ito ay araw ng paghahanda para sa mga Judio at dahil sa malapit lang ang libingan, inilagay nila si Jesus doon.
Chapter 20
1 Ngayon madaling araw ng unang araw ng linggo habang madilim pa, nagpunta si Maria Magdalena sa libingan; nakita niya na naigulong ang bato malayo sa libingan. 2 Kaya siya ay tumakbo at nagpunta kay Simon Pedro at sa isa pang alagad na minamahal ni Jesus, at sinabi niya sa kanila, "Kinuha nila ang katawan ng Panginoon mula sa libingan at hindi namin alam kung saan nila siya dinala." 3 Kaya lumabas si Pedro at ang isa pang alagad at nagpunta sila sa libingan. 4 Kapwa silang tumakbong magkasama, naunahan sa pagtakbo ng isa pang alagad si Pedro at naunang dumating sa libingan. 5 Yumuko siya at tumingin sa loob; nakita niya ang telang lino na nakalatag doon, ngunit hindi pa siya pumasok sa loob. 6 Pagkatapos ay dumating si Simon Pedro kasunod niya at ito ay pumasok sa loob ng libingan. Nakita niya ang mga telang lino na nakalatag doon 7 at ang tela na dati ay nasa kaniyang ulo. Hindi ito kasamang nakalatag sa mga damit na lino ngunit ito ay nakabalumbon sa lugar kung saan ito nakalagay. 8 At ang isa pang alagad ay pumasok rin, na unang dumating sa libingan; nakita niya at siya ay naniwala. 9 Dahil hanggang sa mga oras na iyon hindi pa rin nila alam ang kasulatan na si Jesus ay dapat mabuhay na muli mula sa kamatayan. 10 Kaya ang mga alagad ay umalis muli at umuwi sa kanilang mga tahanan. 11 Gayunpaman si Maria ay nakatayo sa labas ng libingan na tumatangis; habang siya ay umiiyak, yumuko siya at tumingin sa loob ng libingan. 12 Nakita niya ang dalawang anghel na nakaputing kasuotan na nakaupo, isa sa may ulunan, at ang isa sa may paanan, kung saan ang katawan ni Jesus ay inihiga. 13 Sinabi nila sa kaniya, "Babae, bakit ka tumatangis?" Sinabi niya sa kanila, " Dahil kinuha nila ang aking Panginoon at hindi ko alam kung saan nila siya inilagay. 14 Nang sinabi niya ito, napalingon siya at nakitang nakatayo doon si Jesus, ngunit hindi niya alam na ito ay si Jesus. 15 Sinabi sa kaniya ni Jesus, "Babae, bakit ka tumatangis? "Sino ang hinahanap mo?" Akala niya na siya ang hardinero kaya sinabi niya sa kaniya, "Ginoo, kung kinuha ninyo siya, sabihin ninyo kung saan ninyo siya inilagay at kukunin ko siya." 16 Sinabi sa kaniya ni Jesus, "Maria!" Iniharap niya ang kaniyang sarili, at sinabi sa kaniya sa Aramaic, "Rabboni," ibig sabihin "Guro." 17 Sinabi sa kaniya ni Jesus, "Huwag mo akong hawakan, dahil hindi pa ako nakakaakyat sa Ama; ngunit pumunta ka sa aking mga kapatid at sabihin sa kanila na aakyat ako sa aking Ama at inyong Ama, at aking Diyos at inyong Diyos". 18 Pumunta si Maria Magdalena at sinabi sa mga alagad, "Nakita ko ang Panginoon," at sinabi ni Jesus ang mga bagay na ito sa kaniya. 19 Kinagabihan ng araw na iyon na unang araw ng linggo, at habang nakasara ang mga pintong kinaroroonan ng mga alagad dahil sa takot nila sa mga Judio, dumating si Jesus at tumayo sa kalagitnaan nila at sinabi sa kanila, "Sumainyo ang kapayapaan." 20 Nang sinabi niya ito, ipinakita niya sa kanila ang kaniyang mga kamay at kaniyang tagiliran. At nang makita ng mga alagad ang Panginoon, nagalak sila. 21 At muling sinabi sa kanila ni Jesus, "Nawa ang kapayapaan ay sumainyo. Kung paano ako isinugo ng Ama, gayun din ko kayo sinusugo." 22 Nang sinabi ito ni Jesus, hiningahan niya sila, at sinabi sa kanila, "Tanggapin ninyo ang Banal na Espiritu. 23 Kung kanino mang kasalanan ang inyong patatawarin, ang mga ito ay pinatatawad para sa kanila; kung kanino mang mga kasalanan ang inyong pinanatili, ang mga ito ay mananatili." 24 Si Tomas, na isa sa Labindalawa, na tinatawag na Didimo, ay hindi nila kasama nang si Jesus ay dumating. Paglaon ay sinabi ng iba pang mga alagad sa kaniya, 25 "Nakita namin ang Panginoon." Sinabi niya sa kanila, "Maliban na makita ko ang mga bakas ng mga pako sa kaniyang mga kamay, at mailagay ko ang aking daliri sa bakas ng mga pako, at mailagay ko ang aking kamay sa kaniyang tagiliran, ay hindi ako maniniwala." 26 Pagkalipas ng walong araw, muling nasa loob ang mga alagad at si Tomas ay kasama nila. Dumating si Jesus habang ang mga pinto ay nakasara, tumayo sa gitna nila at sinabi, "Nawa ang kapayapaan ay sumainyo." 27 At sinabi niya kay Tomas, "Iabot mo dito ang iyong daliri at tingnan ang aking mga kamay; iabot mo rito ang iyong mga kamay at ilagay sa aking tagiliran; huwag maging walang pananampalataya ngunit maniwala ka." 28 Sumagot si Tomas at sinabi sa kaniya, "Aking Panginoon at aking Diyos." 29 Sinabi sa kaniya ni Jesus, "Dahil nakita mo ako, ikaw ay naniwala". Pinagpala silang mga hindi nakakita ngunit naniwala." 30 Ngayon, si Jesus ay gumawa ng maraming mga tanda sa harapan ng mga alagad, mga tandang hindi naisulat sa aklat na ito, 31 ngunit naisulat ang mga ito upang kayo ay maniwala na si Jesus ay ang Cristo, ang Anak ng Diyos, at upang habang kayo ay naniniwala, kayo ay magkakaroon ng buhay sa kaniyang pangalan.
Chapter 21
1 Pagkatapos ng mga ito, nagpakita muli si Jesus sa mga alagad sa Dagat ng Tiberias; sa ganito niya pinakita ang kaniyang sarili: 2 Si Simon Pedro kasama sila Tomas na tinatawag na Didimus, Nataniel na mula sa Cana ng Galilea, ang mga anak ni Zebedee, at iba pang dalawang alagad ni Jesus. 3 Sinabi ni Simon Pedro sa kanila, "Ako ay mangingisda." Sinabi nila sa kaniya, "Kami rin ay sasama sa iyo." Umalis sila at sumakay sa isang bangka, ngunit sa buong gabing iyon ay wala silang nahuli. 4 Nang magbubukang liwayway na, tumayo si Jesus sa dalampasigan, ngunit hindi nakikilala ng mga alagad na iyon ay si Jesus. 5 At sinabi ni Jesus sa kanila, "Mga kabataan, mayroon ba kayong kahit anumang makakain? Sumagot sila sa kaniya, "Wala." 6 Sinabi niya sa kanila, "Ihagis ninyo ang lambat sa kanang bahagi ng bangka at mayroon kayong mahuhuli." Kaya inihagis nga nila ang kanilang lambat, ngunit hindi na nila ito mahatak dahil sa dami ng mga isda. 7 Pagkatapos sinabi kay Pedro ng alagad na minamahal ni Jesus, "Ang Panginoon iyon." Nang marinig ni Simon Pedro na siya ang Panginoon, sinuot niya ang kaniya damit panlabas ( dahil siya ay bahagyang nakahubad), at tumalon sa dagat. 8 Ang ibang mga alagad ay sumakay sa bangka (dahil sila ay hindi naman malayo mula sa lupa, humigit kumulang, mga dalawang daang kubit), at kanilang hinihila ang lambat na puno ng isda. 9 Nang makaahon sila sa lupa, may nakita sila nagbabagang uling at may isdang nakalagay sa ibabaw nito, at may tinapay. 10 Sinabi sa kanila ni Jesus, "Magdala kayo ng ilang mga isda na kahuhuli ninyo pa lamang." 11 Umakyat si Simon Pedro at hinatak ang lambat sa lupa, puno ng malalaking isda, 153 ang mga ito, kahit napakarami ng mga ito, ang lambat ay hindi napunit. 12 Sinabi ni Jesus sa kanila, "Halikayo at mag-almusal." Wala sa mga alagad ang nagtangkang magtanong sa kaniya na, "Sino ka?" Alam nila na siya ang Panginoon. 13 Lumapit si Jesus, kinuha ang tinapay, at ibinigay ito sa kanila, ganoon din ang isda. 14 Ito ang ikatlong beses na pinakita ni Jesus ang kaniyang sarili sa mga alagad pagkatapos niyang bumangon mula sa patay. 15 Pagkatapos nilang mag-agahan, sinabi ni Jesus kay Simon Pedro, "Simon anak ni Juan, mas mahal mo ba ako kaysa sa mga ito?" Sinabi ni Pedro sa kaniya, "Oo, Panginoon; alam mo na mahal kita." Sinabi ni Jesus sa kaniya, "Pakainin mo ang aking mga tupang bata." 16 Sa pangalawang pagkakataon, sinabi niya muli sa kaniya, "Simon, anak ni Juan, mahal mo ba ako? Sinabi ni Pedro sa kaniya, "Oo, Panginoon, alam mo na mahal kita." Sinabi ni Jesus sa kaniya, "Alagaan mo ang aking mga tupa". 17 Sinabi ni Jesus sa ikatlong pagkakataon, "Simon, anak ni Juan, mahal mo ba ako?" Nalungkot si Pedro dahil sinabi sa kanya ni Jesus ng ikatlong beses, "Mahal mo ba ako?" Sinabi niya sa kaniya, "Panginoon, alam mo ang lahat ng mga bagay; alam mo na mahal kita." Sinabi ni Jesus sa kaniya, "Pakainin mo ang aking tupa". 18 Tunay nga sinabi ko sa iyo, noong bata ka pa, dinadamitan mo ang iyong sarili at lumalakad ka kahit saan mo gusto; subalit pagtumanda ka na, iuunat mo ang iyong mga kamay, at ibang tao ang magdadamit sa iyo at dadalhin ka sa lugar na ayaw mong puntahan." 19 Ngayon sinabi ito ni Jesus upang ipakita kung anong uri ng kamatayan na maluluwalhati ni Pedro ang Diyos. Pagkatapos niyang sabihin ito, sinabi niya kay Pedro, "Sumunod ka sa akin." 20 Lumingon si Pedro at nakita ang alagad na minamahal ni Jesus na sumusunod sa kanila - na siya ring sumandal sa dibdib ni Jesus sa hapunan at nagsabi, "Panginoon, sino ang magkakanulo sa iyo? 21 Nakita siya ni Pedro at sinabi kay Jesus, "Panginoon, ano ang gagawin ng lalaking ito?" 22 Sinabi ni Jesus sa kaniya, "Kung nais kong maghintay siya hangang sa aking pagbalik, ano iyon sa iyo? Sumunod ka sa akin." 23 Kaya itong pahayag na ito ay kumalat sa mga kapatiran, na yung alagad na iyon ay hindi mamamatay. Ngunit hindi sinabi ni Jesus kay Pedro na ang alagad na ito ay hindi mamamatay, ngunit, "Kung nais ko na dapat siyang maghintay hanggang sa aking pagbalik, ano iyon sa iyo?" 24 Ito ang alagad na nagpapatotoo tungkol sa mga bagay na ito, at siya ang sumulat ng mga bagay na ito, at alam namin na ang kaniyang patotoo ay totoo. 25 Marami pa ring ibang mga bagay ang ginawa ni Jesus. Kung ang bawat isa ay naisulat, sa palagay ko kahit ang mundo mismo ay hindi mapagkakasya ang mga aklat na maisusulat.