Tagalog: Tagalog Unlocked Literal Bible

Updated ? hours ago # views See on DCS Draft Material

Marcos

Chapter 1

1 Ito ang simula ng ebanghelyo tungkol kay Jesu-Cristo, na Anak ng Diyos. 2 Katulad ng nasusulat sa aklat ni Isaias na propeta, "Tingnan mo, ipapadala ko ang aking taga-pamalita na mauuna sa iyo, ang maghahanda ng iyong daan. 3 Ang tinig ng isang sumisigaw sa ilang, 'Ihanda ninyo ang daan ng Panginoon. Ituwid ang kaniyang daraanan.'" 4 Dumating si Juan na nagbabautismo sa ilang at nangangaral tungkol sa bautismo ng pagsisisi alang-alang sa kapatawaran ng mga kasalanan. 5 Ang buong bansa ng Judea at lahat ng taga-Jerusalem ay pumunta sa kaniya. Sila ay binautismuhan niya sa Ilog ng Jordan, na nagtatapat ng kanilang mga kasalanan. 6 Nakasuot si Juan ng balabal gawa sa balahibo ng kamelyo at sinturong balat sa palibot ng kaniyang baywang, at kumakain siya ng mga balang at pulot- pukyutan. 7 Nangaral siya at sinabi, "Mayroong darating na kasunod ko na mas makapangyarihan kaysa sa akin, at hindi ako karapat-dapat na yumuko para kalasin man lang ang tali ng kaniyang sandalyas. 8 Binautismuhan ko kayo ng tubig, ngunit babautismuhan niya kayo ng Banal na Espiritu." 9 Nangyari sa mga araw na iyon na si Jesus ay dumating mula sa Nazaret sa Galilea at siya ay binautismuhan ni Juan sa ilog ng Jordan. 10 Nang si Jesus ay umahon sa tubig, nakita niya na bumukas ang langit at ang Espiritu ay bumaba sa kaniya na tulad ng kalapati. 11 At isang tinig ang nagmula sa langit, "Ikaw ang minamahal kong Anak. Ako ay labis na nalulugod sa iyo." 12 At agad-agad, sapilitan siyang pinapunta ng Espiritu sa ilang. 13 Nanatili siya sa ilang sa loob ng apatnapung araw na tinutukso ni Satanas. Kasama niya ang mababangis na hayop at pinaglingkuran siya ng mga anghel. 14 Ngayon matapos madakip si Juan, dumating si Jesus sa Galilea na nagpapahayag ng ebanghelyo ng Diyos, 15 at sinasabi, "Ang panahon ay naganap na, at ang kaharian ng Diyos ay malapit na. Magsisi kayo at maniwala sa ebanghelyo." 16 At habang dumadaan siya sa tabi ng Dagat ng Galilea, nakita niya si Simon at Andres na kapatid ni Simon na naghahagis ng lambat sa dagat, sapagkat sila ay mga mangingisda. 17 Sinabi ni Jesus sa kanila, "Halikayo, sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mga mangingisda ng mga tao." 18 At kaagad na iniwan nila ang mga lambat at sumunod sa kaniya. 19 Habang si Jesus ay naglalakad papalayo, nakita niya si Santiago na anak ni Zebedeo at Juan na kapatid nito, sila ay nasa bangka na nagkukumpuni ng mga lambat. 20 Agad silang tinawag ni Jesus at iniwan nila ang kanilang amang si Zebedeo sa bangka kasama ang mga binayarang katulong at sumunod sila sa kaniya. 21 At nakarating sila sa Capernaum at sa Araw ng Pamamahinga, agad na pumunta si Jesus sa sinagoga at nagturo. 22 Namangha sila sa kaniyang pagtuturo sapagkat siya ay nagtuturo katulad ng isang taong may kapangyarihan at hindi tulad ng mga eskriba. 23 Noon din ay may isang lalaki sa kanilang sinagoga na may masamang espiritu, at sumigaw siya, 24 na nagsasabi, "Ano ang kinalaman namin sa iyo, Jesus ng Nazaret? Pumarito ka ba upang puksain kami? Alam ko kung sino ka. Ikaw ang Banal na mula sa Diyos!" 25 Sinaway ni Jesus ang demonyo at sinabi, "Tumahimik ka at lumabas ka sa kaniya!" 26 At binagsak siya ng masamang espiritu, lumabas mula sa kaniya habang sumisigaw ng malakas. 27 At ang lahat ng tao ay namangha, kaya nagtanungan sila sa isa't isa, "Ano ito? Bagong katuruan na may kapangyarihan? Nauutusan niya kahit ang mga masasamang espiritu at sumusunod naman ang mga ito sa kaniya!" 28 At agad na kumalat sa lahat ng dako ang balita tungkol sa kaniya sa buong rehiyon ng Galilea. 29 At kaagad, nang lumabas sila sa sinagoga, pumunta sila sa tahanan ni Simon at Andres kasama sina Santiago at Juan. 30 Ngayon ang babaing biyenan ni Simon ay nakahigang nilalagnat, at agad nilang sinabi kay Jesus ang tungkol sa kaniya. 31 Kaya lumapit siya, hinawakan siya sa kamay at itinayo siya; nawala ang kaniyang lagnat at nagsimula siyang paglingkuran sila. 32 Nang gabing iyon, pagkatapos lumubog ng araw, dinala nila sa kaniya ang lahat ng may sakit at ang mga sinapian ng mga demonyo. 33 Ang buong lungsod ay nagkatipon sa may pinto. 34 Marami ang pinagaling niya na mayroong iba't ibang sakit at nagpalayas siya ng mga demonyo, ngunit hindi niya pinahintulutan ang mga demonyong magsalita dahil kilala siya ng mga ito. 35 Bumangon siya ng napaka-aga, habang madilim pa; umalis siya at pumunta sa isang lugar kung saan siya maaaring mapag-isa at nanalangin siya doon. 36 Hinanap siya ni Simon at ng mga kasama niyang naroon. 37 Natagpuan nila siya at sinabi sa kaniya, "Naghahanap ang lahat sa iyo." 38 Sinabi niya, "Pumunta tayo sa ibang lugar, sa mga nakapaligid na mga bayan upang makapangaral din ako doon. Iyon ang dahilan kaya ako naparito." 39 Pumunta siya sa lahat ng dako ng Galilea, nangangaral sa mga sinagoga at nagpapalayas ng mga demonyo. 40 Isang ketongin ang lumapit sa kaniya. Siya ay nagmamakaawa sa kaniya, lumuhod siya at sinabi sa kaniya, "Kung iyong nanaisin, maaari mo akong gawing malinis." 41 Sa habag niya, iniabot ni Jesus ang kaniyang kamay at hinawakan siya, sinasabi sa kaniya, "Nais ko. Maging malinis ka." 42 Kaagad na nawala ang kaniyang ketong at siya ay naging malinis. 43 Mahigpit siyang pinagbilinan ni Jesus at agad siyang pinaalis. 44 Sinabi niya sa kaniya, "Siguraduhin mong wala kang sasabihin sa kahit na sino, ngunit humayo ka at ipakita mo ang iyong sarili sa pari at maghandog kung ano ang iniutos ni Moises para sa iyong pagkalinis, bilang patotoo sa kanila." 45 Ngunit siya ay umalis at sinimulang sabihin sa lahat, at labis na ikinalat ang nangyari, anupat si Jesus ay hindi na malayang makapasok sa kahit anong bayan. Kaya siya ay nanatili sa mga ilang na lugar at pumupunta ang mga tao sa kaniya mula sa lahat ng dako.

Chapter 2

1 Nang makabalik si Jesus sa Capernaum makalipas ang ilang araw, napabalita na nakauwi na siya sa kaniyang tahanan. 2 At maraming tao ang nagtipun-tipon doon kaya wala nang puwang, maging sa may pintuan at ipinangaral ni Jesus ang salita sa kanila. 3 At may ilang lalaking pumunta sa kaniyang may dalang paralisadong lalaki; apat na tao ang bumuhat sa kaniya. 4 Nang hindi sila makalapit kay Jesus dahil sa maraming tao, inalis nila ang bubong sa taas kung saan siya naroon. At nang nakagawa sila ng butas doon, ibinaba nila ang higaan kung saan nakahiga ang lalaking paralisado. 5 Nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa lalaking paralisado, "Anak, pinatawad na ang iyong mga kasalanan." 6 Ngunit nangatwiran sa kanilang mga puso ang ilan sa mga eskriba na nakaupo doon, 7 "Paano nakapagsasalita ang taong ito ng ganito? Lumapastangan siya! Sino ang makapagpapatawad ng mga kasalanan kundi ang Diyos lamang?" 8 At nalaman agad ni Jesus sa kaniyang espiritu kung ano ang kanilang iniisip. Sinabi niya sa kanila, "Bakit ninyo ito iniisip sa inyong mga puso? 9 Ano ang mas madaling sabihin sa lalaking paralisado, ''Napatawad na ang iyong mga kasalanan' o ang sabihin 'Bumangon ka, kunin ang iyong higaan at lumakad ka'? 10 Ngunit upang malaman ninyo na ang Anak ng Tao ay may kapangyarihan dito sa mundo na magpatawad ng mga kasalanan," sinabi niya sa paralitiko, 11 "Sinasabi ko sa iyo, bumangon ka, kunin ang iyong higaan, at pumunta ka sa iyong bahay." 12 Bumangon siya at kaagad kinuha ang kaniyang higaan at lumabas siya sa bahay na iyon sa harap ng lahat, kaya't silang lahat ay namangha at niluwalhati ang Diyos, at kanilang sinabi, "Kailanman ay hindi pa kami nakakita ng katulad nito." 13 Muli siyang bumalik sa tabi ng lawa at pumunta sa kaniya ang napakaraming tao, at tinuruan sila ni Jesus. 14 Sa kaniyang pagdaan, nakita niya si Levi na anak ni Alfeo na nakaupo sa paningilan ng buwis at sinabi sa kaniya, "Sumunod ka sa akin." Tumayo si Levi at sumunod siya sa kaniya. 15 At nang kumakain si Jesus sa bahay ni Levi, maraming maniningil ng buwis at mga makasalanang tao ang nakikisalo kay Jesus at sa kaniyang mga alagad, sapagkat marami sila na sumunod sa kaniya. 16 Nang makita ng mga eskriba na mga Pariseo si Jesus na kumakain kasama ang mga makasalanang tao at tagasingil ng buwis, sinabi nila sa kaniyang mga alagad, "Bakit siya nakikisalo sa mga tagasingil ng buwis at mga makasalanang tao?" 17 Nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya sa kanila, "Ang mga taong malakas ang pangangatawan ay hindi nangangailangan ng manggagamot, ang mga may sakit lamang ang nangangailangan. Hindi ako pumarito upang tawagin ang mga matuwid na tao kundi ang mga taong makasalanan." 18 Ang mga alagad ni Juan at ang mga Pariseo ay nag-aayuno. Lumapit ang ilang tao at sinabi sa kaniya, "Bakit nag-aayuno ang mga alagad ni Juan at mga alagad ng mga Pariseo ngunit ang iyong mga alagad ay hindi nag-aayuno?" 19 Sinabi ni Jesus sa kanila, "Maaari bang mag-ayuno ang mga tagapaglingkod sa kasal kung kasama pa nila ang lalaking ikakasal? Hanggang kasama pa nila ang lalaking ikakasal ay hindi pa sila maaaring mag-ayuno. 20 Ngunit darating din ang araw na ang lalaking ikakasal ay mailalayo sa kanila at sa mga araw na iyon, mag-aayuno sila. 21 Walang taong magtatahi ng bagong tela sa lumang damit dahil kung ganoon ang itinagpi nito ay mapupunit at magkakaroon ng mas malalang punit. 22 Walang taong maglalagay ng bagong alak sa lumang sisidlang-balat dahil kung ganoon ay masisira ng alak ang sisidlang-balat at kapwa masasayang ang alak at ang sisidlang balat. Sa halip ay maglagay ng bagong alak sa bagong sisidlang-balat." 23 Sa Araw ng Pamamahinga, pumunta si Jesus at ang kaniyang mga alagad sa triguhan at nagsimulang mamitas ang kaniyang mga alagad ng mga uhay. 24 At sinabi ng mga Pariseo sa kaniya, "Tingnan mo, bakit sila gumagawa ng bagay na ipinagbabawal sa Araw ng Pamamahinga?" 25 Sinabi ni Jesus sa kanila, "Hindi pa ba ninyo nababasa ang ginawa ni David noong siya ay nangailangan at nagutom—siya at ang mga lalaking kasama niya? 26 Kung paano siya pumasok sa tahanan ng Diyos noong si Abiatar ang pinakapunong pari at kinain ang tinapay—na handog na hindi naaayon sa batas na kainin ng kahit na sino maliban sa mga pari—at binigyan pa niya ang kaniyang mga kasama?" 27 Sinabi ni Jesus, "Ang Araw ng Pamamahinga ay ginawa para sa sangkatauhan, at hindi ang sangkatauhan para sa Araw ng Pamamahinga. 28 Kung gayon, ang Anak ng Tao ay Panginoon maging sa Araw ng Pamamahinga."

Chapter 3

1 At muli siyang naglakad papasok sa loob ng sinagoga at doon may isang lalaki na tuyot ang kamay. 2 Ilan sa mga tao ay nagmamatyag ng mabuti kung papagalingin siya ni Jesus sa Araw ng Pamamahinga upang maparatangan nila siya. 3 Sinabi ni Jesus sa lalaki na tuyot ang kamay, "Tumindig ka at tumayo sa gitna ng lahat." 4 At sinabi niya sa mga tao, "Naaayon ba sa batas ang gumawa ng mabuti sa Araw ng Pamamahinga o ang manakit; ang sumagip ng buhay o ang pumatay?" Ngunit tahimik ang mga tao. 5 Tiningnan niya sila ng may galit, labis siyang nalulungkot dahil sa katigasan ng kanilang mga puso, at sinabi niya sa lalaki, "Iunat mo ang iyong kamay." Iniunat niya ang kaniyang kamay at pinagaling ito ni Jesus. 6 Lumabas ang mga Pariseo at agad bumuo ng sabwatan kasama ng mga taga-sunod ni Herodias laban sa kaniya upang ipapatay siya. 7 Pagkatapos, pumunta si Jesus sa dagat kasama ng kaniyang mga alagad at napakaraming tao ang sumunod sa kanila mula sa Galilea, at Judea, 8 Jerusalem at mula sa Idumea at ibayo ng Jordan at sa palibot ng Tiro at Sidon, napakaraming tao ang pumunta sa kaniya nang marinig nila ang lahat ng mga ginagawa niya. 9 Hiniling niya sa kaniyang mga alagad na ipaghanda siya ng isang bangka upang hindi siya maipit ng mga tao. 10 Dahil sa marami na siyang napagaling, lahat ng may mga malulubhang karamdaman ay gustong makalapit sa kaniya upang mahawakan siya. 11 Sa tuwing makikita siya ng mga maruming espiritu, nagpapatirapa sila at sumisigaw, "Ikaw ang Anak ng Diyos." 12 Mahigpit niyang iniutos sa mga ito na huwag nilang ipapaalam kung sino siya. 13 Umakyat siya sa bundok at tinawag niya ang mga gusto niya at pumunta sila sa kaniya. 14 Itinalaga niya ang Labindalawa (na tinawag niyang mga apostol) para sila ay makasama niya at maaari niya silang isugo upang mangaral, 15 at upang magkaroon sila ng kapangyarihang magpalayas ng mga demonyo. 16 Itinalaga niya ang Labindalawang apostol: Si Simon na pinangalanan niyang Pedro, 17 si Santiago na anak ni Zebedeo, si Juan na kapatid ni Santiago, na mga pinangalanan niyang Boanerges na ang ibig sabihin ay mga anak ng kulog, 18 at sila Andres, Felipe, Bartolomeo, Mateo, Tomas, Santiago na anak ni Alfeo, Tadeo, Simon na makabayan, 19 at si Judas Iskaryote, na magkakanulo sa kaniya. 20 Pagkatapos ay umuwi na siya at muling nagtipon-tipon ang maraming tao, kung kaya hindi man lang sila makakain ng tinapay. 21 Nang marinig ng kaniyang pamilya ang balitang ito, agad silang lumabas upang pilit siyang kunin, dahil sinasabi nilang, "Nahihibang na siya." 22 Sinabi ng mga eskribang nanggaling sa Jerusalem, "Sinaniban siya ni Beelzebul," at, "Sa pamamagitan ng pinuno ng mga demonyo, pinapaalis niya ang mga demonyo." 23 Tinawag sila ni Jesus at nagsalita sa kanila sa pamamagitan ng talinghaga, "Paano maitataboy ni Satanas si Satanas?" 24 Kung nahahati ang isang kaharian laban sa kaniyang sarili, ang kahariang ito ay hindi maaaring manatili. 25 Kung ang isang tahanan ay nahahati laban sa kaniyang sarili, ang tahanang ito ay hindi maaaring manatili. 26 Kung naghimagsik si Satanas laban sa kaniyang sarili at magkabahabahagi, hindi siya maaaring manatili, subalit siya ay magwawakas. 27 Ngunit walang sinuman ang makapapasok sa bahay ng isang malakas na tao at magnakaw ng kaniyang mga kagamitan nang hindi niya ito gagapusin muna, saka pa lang niya mananakawan ang bahay nito. 28 Totoo itong sinasabi ko sa inyo, ang lahat ng mga kasalanan ng mga anak ng tao ay mapapatawad, maging ang lahat ng mga kalapastanganang sinasabi nila, 29 ngunit ang sinumang lumalapastangan laban sa Banal na Espiritu ay hindi kailanman magkakaroon ng kapatawaran, ngunit mayroong walang hanggang kasalanan." 30 Sinabi ito ni Jesus dahil sinasabi nilang, "Mayroon siyang maruming espiritu." 31 Pagkatapos ay dumating ang kaniyang ina at mga kapatid na lalaki at tumayo sila sa labas. Pinasundo nila siya at pinatawag. 32 Umupo ang napakaraming tao sa palibot niya at sinabi sa kaniya, "Nasa labas ang iyong ina at mga kapatid, hinahanap ka nila." 33 Sinagot niya sila, "Sino ang ina at mga kapatid ko?" 34 Tiningnan niya ang mga taong nakaupo sa palibot niya at sinabi, "Tingnan ninyo, ito ang aking ina at mga kapatid! 35 Dahil kung sino man ang tumutupad sa kalooban ng Diyos, ang taong iyon ay ang aking kapatid na lalaki, kapatid na babae, at ina."

Chapter 4

1 Muli siyang nagsimulang mangaral sa tabi ng dagat. At nagtipun-tipon ang napakaraming tao sa paligid niya, kaya sumakay siya sa bangka na nasa dagat at naupo. Ang mga tao ay nasa tabi ng dagat sa dalampasigan. 2 At tinuruan niya sila ng maraming bagay sa pamamagitan ng mga talinghaga, at sinabi niya sa kanila sa kaniyang pagtuturo, 3 "Makinig kayo, lumabas ang manghahasik upang maghasik. 4 Habang siya ay naghahasik, mayroong mga binhing napunta sa daan at dumating ang mga ibon at inubos ang mga ito. 5 Ang ibang mga binhi ay napunta sa mabatong lupa na kung saan ang lupa ay kakaunti lamang. Agad silang tumubo dahil hindi malalim ang lupa nito. 6 Ngunit nang sumikat ang araw, nalanta ang mga ito at dahil wala silang ugat natuyo ang mga ito. 7 Ang ibang mga binhi ay napunta sa tinikan. Lumaki ang mga halamang may tinik at sinakal ang mga ito, at hindi ito nakapamunga ng kahit isang butil. 8 Napunta sa matabang lupa ang ibang binhi at nagkabutil habang lumalago at dumarami, at may nagkabutil ng tigtatatlumpu, tig-aanimnapu, at tig-iisangdaan". 9 At sinabi niya, "Sinuman ang may taingang pandinig, makinig!" 10 Nang nag-iisa na si Jesus, nagtanong ang mga malalapit sa kaniya kasama ang Labindalawa tungkol sa talinghaga. 11 Sinabi niya sa kanila, "Ipinagkaloob sa inyo ang hiwaga ng kaharian ng Diyos. Ngunit sa ibang nasa labas ang lahat ay mga talinghaga, 12 nang sa gayon, kapag sila ay tumingin, oo titingin sila, ngunit hindi sila makakakita, at kapag sila ay nakinig, oo makaririnig sila, ngunit hindi sila makauunawa, o kundi sila ay manumbalik at patatawarin sila ng Diyos." 13 At sinabi niya sa kanila, "Hindi ba ninyo naiintindihan ang talinghagang ito? Paano pa kaya ninyo maiintindihan ang iba pang mga talinghaga? 14 Ang manghahasik ay naghasik ng salita. 15 Ang ilan sa mga ito ay ang nahulog sa tabi ng daan, kung saan ang salita ay naihasik. At nang marinig nila ito, agad na dumating si Satanas upang alisin ang salitang naitanim sa kanila. 16 At ang iba ay ang mga naitanim sa mabatong lupa, nang makarinig sila ng salita, agad nila itong tinatanggap nang may kagalakan. 17 At hindi sila nakapag-ugat kaya sila nakatiis lang ng maikling panahon. At dumating ang mga pagdurusa o pag-uusig dahil sa salita at agad silang nadapa. 18 At ang iba naman ay naihasik sa tinikan. Narinig nila ang salita at tinanggap ito, 19 ngunit ang mga alalahanin sa mundo, ang pandaraya ng kayamanan at ang pagnanasa sa iba pang mga bagay ay pumasok at nasakal ang salita, at ito ay hindi nakapamunga. 20 At mayroon namang naihasik sa matabang lupa. Narinig nila ang salita at tinanggap ito at nakapamunga: may tatlumpu, may animnapu, at may isangdaan." 21 Sinabi ni Jesus sa kanila, "Magdadala ba kayo ng lampara sa loob ng bahay upang ilagay ito sa loob ng basket o sa ilalaim ng higaan? Dadalhin ninyo ito sa loob at ilalagay sa lagayan ng lampara. 22 Sapagkat walang itinatago na hindi maihahayag at walang lihim na hindi maibubunyag. 23 Sinuman ang may taingang pandinig, makinig. 24 Sinabi niya sa kanila, "Pakinggan ninyong mabuti ang inyong naririnig, ang panukat na inyong ginagamit ay siya ring gagamiting panukat sa inyo, at idadagdag ito sa inyo. 25 Dahil sinumang mayroon ay pagkakalooban ng higit pa, at sinumang wala, kukunin maging ang anumang nasa kaniya." 26 At sinabi niya, "Ang kaharian ng Diyos ay tulad ng isang taong naghasik ng kaniyang binhi sa lupa. 27 Sa gabi siya ay natutulog at sa umaga siya ay bumabangon, at ang binhi ay sumisibol at tumutubo, ngunit hindi niya alam kung paano. 28 Ang lupa sa sarili niya ay namumunga ng butil: una ang sibol, sunod ang mga tangkay, sunod ang mga hinog na butil sa tangkay. 29 At kapag nahinog na ang butil, agad niyang ipinadadala ang panggapas sapagkat dumating na ang anihan." 30 At sinabi niya, "Saan natin maihahambing ang kaharian ng Diyos, o anong talinghaga ang magagamit natin upang maipaliwanag ito? 31 Ito ay katulad ng buto ng mustasa na kapag ito ay itinanim, ito ang pinakamaliit sa lahat ng mga buto sa daigdig. 32 Gayunpaman, kapag ito ay naitanim, tumutubo ito at nagiging pinakamalaki sa lahat ng mga tanim sa bukirin at nagkakaroon ito ng malalaking sanga, kaya ang mga ibon sa himpapawid ay nakakapamugad sa lilim nito. 33 Ipinangaral niya ang salita sa kanila sa pamamagitan ng maraming talinghagang katulad nito, hanggang sa kaya nilang maunawaan, 34 at hindi siya nangaral sa kanila nang hindi gumagamit ng talinghaga. Ngunit kapag siya ay nag-iisa na lamang, ipinapaliwanag niya ang lahat sa kaniyang sariling mga alagad. 35 Kinagabihan, nang araw ding iyon, sinabi niya sa kanila, "Tumawid tayo sa kabilang dako." 36 Kaya iniwan nila ang maraming tao na isinama nila si Jesus dahil nakasakay na siya sa bangka. Mayroon ding ibang mga bangkang sumama sa kaniya. 37 Nagkaroon ng matinding unos at hinampas ng mga alon ang bangka kaya halos mapuno na ito ng tubig. 38 Ngunit si Jesus naman ay nasa dulo ng bangka at natutulog sa unan. Ginising nila si Jesus at sinabi, "Guro, hindi ba kayo nababahala na malapit na tayong mamatay? 39 At gumising siya at sinaway ang hangin at sinabi sa dagat, "Pumayapa ka, tigil." Tumigil ang hangin, at nagkaroon ng labis na kapayapaan. 40 At sinabi niya sa kanila, "Bakit kayo natatakot? Wala pa rin ba kayong pananampalataya?" 41 Lubha silang natakot at sinabi nila sa isa't isa, "Sino ba talaga siya, dahil maging ang hangin at ang dagat ay sumusunod sa kaniya?"

Chapter 5

1 Dumating sila sa kabilang dako ng dagat, sa rehiyon ng Geraseno. 2 At nang bumababa si Jesus sa bangka, agad may isang lalaking may maruming espiritu ang pumunta sa kaniya mula sa mga libingan. 3 Ang lalaki ay nakatira sa mga libingan. Wala nang makapagpigil sa kaniya, kahit pa kadena. 4 Ilang ulit na siyang ginapos gamit ang mga tanikala at kadena. Sinisira niya ang mga kadena at winawasak niya ang kaniyang mga tanikala. Walang sinuman ang may lakas na supilin siya. 5 Bawat gabi at araw sa mga libingan at sa mga bundok, sumisigaw siya at sinusugatan niya ang kaniyang sarili ng mga matatalas na bato. 6 Nang nakita niya si Jesus sa malayo, tumakbo siya sa kaniya at yumuko sa kaniyang harapan. 7 Sumigaw siya nang may malakas na boses, "Ano ang kinalaman ko sa iyo, Jesus, Anak ng Kataas-taasang Diyos? Nakikiusap ako sa iyo sa Diyos mismo, huwag mo akong pahirapan." 8 Sapagkat sinasabi niya sa kaniya, "Lumabas ka sa lalaking ito, ikaw na maruming espiritu." 9 At tinanong niya ito, "Ano ang pangalan mo?" At sumagot siya, "Ang pangalan ko ay Pulutong, sapagkat marami kami." 10 Paulit-ulit siyang nakiusap sa kaniya na huwag silang papuntahin sa labas ng rehiyon. 11 Ngayon may malaking kawan ng baboy ang naroon na kumakain sa burol, 12 at nagmakaawa sila sa kaniya, na sinasabi, "Papuntahin mo kami sa mga baboy, hayaan mo kaming pumasok sa kanila." 13 Kaya pinayagan niya ang mga ito, lumabas ang mga masamang espiritu at pumasok sa mga baboy, at nagtakbuhan sila patungo sa matarik na burol papunta sa dagat, halos dalawang libong baboy ang nalunod sa dagat. 14 At tumakbo ang mga nagpapakain sa mga baboy at ipinamalita sa lungsod at sa mga karatig-pook kung ano ang nangyari. At maraming tao ang pumunta upang makita kung ano ang nangyari. 15 Pagkatapos ay pumunta sila kay Jesus at nakita nila ang lalaking sinapian ng demonyo— na may Pulutong—na nakaupo, nakabihis, at nasa kaniyang tamang kaisipan, at sila ay natakot. 16 Sinabi sa kanila ng mga nakakita ng nangyari sa lalaking sinapian ng demonyo kung ano ang nangyari sa kaniya at gayon din ang tungkol sa mga baboy. 17 At nagsimula silang nagmakaawa sa kaniya na umalis sa kanilang rehiyon. 18 At nang sumasakay na siya sa bangka, nakiusap sa kaniya ang lalaking sinaniban ng demonyo kung maaari siyang sumama sa kaniya. 19 Ngunit hindi siya pumayag dito, subalit sinabi niya sa kaniya, "Umuwi ka sa iyong bahay at sa mga kasama mo, at sabihin mo sa kanila kung ano ang ginawa ng Panginoon para sa iyo at kung paano ka niya kinahabagan." 20 Kaya siya ay umalis at nagsimulang ihayag ang mga dakilang bagay na ginawa ni Jesus para sa kaniya sa Decapolis at ang lahat ay namangha. 21 At nang si Jesus ay muling tumawid sa kabilang dako, maraming mga tao ang pumalibot sa kaniya sa bangka, sapagkat siya ay nasa tabing dagat. 22 At isa sa mga pinuno ng sinagoga na nagngangalang Jairo ang dumating, at nang makita niya si Jesus, nagpatirapa siya sa kaniyang paanan. 23 Nagmakaawa siya nang paulit-ulit na nagsasabi, "Ang aking anak na babae ay malapit nang mamatay. Nakikiusap ako sa iyo, halika ka at ipatong ang iyong mga kamay sa kaniya upang siya ay gumaling at mabuhay." 24 Kaya sumama siya sa kaniya at sumunod sa kaniya ang napakaraming tao at sila ay nag-uumpukan sa palibot niya. 25 Ngayon, mayroong isang babae na walang tigil na dinudugo sa loob ng labing dalawang taon. 26 Dumanas siya ng maraming hirap sa ilalim ng mga manggagamot at naubos na niya ang lahat ng mayroon siya. Ngunit walang nakatulong sa kaniya, sa halip ay lalo pang lumala. 27 Narinig niya ang mga balita tungkol kay Jesus. Kaya pumunta siya sa kaniyang likuran habang siya ay naglalakad sa gitna ng maraming tao, at hinawakan niya ang kaniyang balabal. 28 Sapagkat iniisip niya, "Kung mahawakan ko man lang kahit ang kaniyang damit, ako ay gagaling." 29 Nang mahawakan niya siya, tumigil ang pagdurugo, at naramdaman niya sa kaniyang katawan na siya ay gumaling na sa kaniyang paghihirap. 30 At agad napansin ni Jesus na may lumabas na kapangyarihan mula sa kaniya. At lumingon siya sa mga tao at nagtanong, "Sino ang humawak sa aking damit?" 31 Sinabi sa kaniya ng mga alagad, "Nakita mo ang napakaraming taong nag-uumpukan sa paligid mo, at sasabihin mong 'Sino ang humawak sa akin?" 32 Ngunit si Jesus ay tumingin sa paligid upang malaman kung sino ang may gawa nito. 33 Nang nalaman ng babae ang nangyari sa kaniya, natakot siya at nanginig. Lumapit siya at nagpatirapa sa kaniyang harapan at sinabi ang buong katotohanan. 34 Sinabi niya sa kaniya, "Anak, ang iyong pananampalataya ang nagpagaling sa iyo. Umuwi ka nang may kapayapaan at gumaling ka sa iyong karamdaman." 35 Habang siya ay nagsasalita, ilang tao mula sa pinuno ng sinagoga ang dumating at nagsabi, "Patay na ang iyong anak. Bakit mo pa aabalahin ang Guro?" 36 Ngunit nang marinig ni Jesus ang kanilang sinabi, sinabi niya sa pinuno ng sinagoga, "Huwag kang matakot, maniwala ka lang." 37 Hindi niya pinayagan ang kahit sino na sumama sa kaniya maliban kay Pedro, Santiago, at Juan na kapatid ni Santiago. 38 Nakarating sila sa bahay ng pinuno nang sinagoga at nakita niya ang kaguluhan, napakaraming iyakan at pagtangis. 39 Nang pumasok siya sa bahay, sinabi niya sa kanila, "Bakit kayo nababalisa at bakit kayo umiiyak? Ang bata ay hindi patay kundi natutulog." 40 Siya ay pinagtawanan nila, ngunit pinalabas niya silang lahat, isinama niya ang ama at ina ng bata at maging ang mga kasama niya, at pumunta sila kung saan naroroon ang bata. 41 Kinuha niya ang kamay ng bata at sinabi sa kaniya, "Talitha koum," na ang ibig sabihin ay "Batang babae, sinasabi ko sa iyo, bumangon ka." 42 Agad na tumayo ang bata at naglakad (sapagkat siya ay labindalawang taon). At kaagad labis silang namangha. 43 Mahigpit niya silang pinagbilinan na walang dapat makaalam ng tungkol dito. At inutusan niya sila na bigyan ang bata ng makakain.

Chapter 6

1 Umalis siya doon at pumunta siya sa kaniyang sariling bayan at sumunod ang kaniyang mga alagad. 2 Nang dumating ang Araw ng Pamamahinga, nagturo siya sa sinagoga. Maraming tao ang nakarinig sa kaniya at namangha sila. Sinabi nila, "Saan niya nakuha ang mga katuruang ito?" "Ano itong karunungan na naibigay sa kaniya?" "Ano itong mga himala na nagagawa niya sa pamamagitan ng kaniyang mga kamay?". 3 "Hindi ba ito ang karpintero, ang anak ni Maria, at kapatid ni Santiago, Jose, Judas at Simon? Hindi ba't kasama natin ang kaniyang mga kapatid na babae dito?" At sumama ang kanilang loob kay Jesus. 4 At sinabi ni Jesus sa kanila, "Ang isang propeta ay hindi nawawalan ng parangal, maliban sa kaniyang sariling bayan at sa kaniyang mga kamag-anak at sa kaniyang sariling sambahayan." 5 Hindi siya makagawa ng kahit na anong makapangyarihang gawain, maliban lamang sa pagpatong ng kaniyang mga kamay sa ilang may sakit at pagalingin sila. 6 Ikinamangha niya ang kanilang kawalan ng pananampalataya. At naglibot siyang nagtuturo sa mga nayon. 7 Tinawag niya ang Labindalawa at sinimulan silang isugo ng dalawahan at binigyan niya sila ng kapangyarihan laban sa maruruming espiritu, 8 at ipinagbilin niya sa kanila na huwag magdala ng kahit ano sa kanilang paglalakbay maliban lamang sa tungkod, walang tinapay, walang sisidlan at wala ring pera nailalagay sa kanilang sinturon, 9 kundi magsuot ng sandalyas at huwag magsuot ng dalawang tunika. 10 At sinabi ni Jesus sa kanila, "Sa tuwing papasok kayo sa isang bahay, manatili kayo doon hanggang makaalis kayo sa lugar na iyon. 11 At kung mayroong bayan na hindi tatanggap o makikinig sa inyo, umalis kayo sa lugar na iyon, pagpagin ninyo ang alikabok mula sa inyong mga paa bilang patotoo sa kanila. 12 Humayo sila at inihayag na dapat talikuran ng mga tao ang kanilang mga kasalanan. 13 Pinalayas nila ang maraming demonyo at pinahiran nila ng langis ang mga taong may sakit at pinagaling sila. 14 Nabalitaan ito ni Haring Herodes sapagkat kilalang-kilala na ang pangalan ni Jesus. Sinasabi ng iba, "Si Juan na Tagapagbautismo ay binuhay mula sa mga patay at dahil dito, ang mga kamangha-manghang kapangyarihang ito ang kumikilos sa kaniya." 15 Sinasabi ng iba, "Siya si Elias." Sinabi pa ng iba, "Siya ay isang propeta, tulad ng isa sa mga propeta noong sinaunang panahon." 16 Ngunit nang marinig ito ni Herodes, sinabi niya, "Si Juan na pinugutan ko ng ulo ay binuhay." 17 Sapagkat mismong si Herodes ang nagpadakip kay Juan at ipinagapos siya sa bilangguan dahil kay Herodias, (asawa ng kapatid niyang si Felipe) dahil naging asawa niya ito. 18 Sapagkat sinabi ni Juan kay Herodes, "Hindi naaayon sa batas na mapasaiyo ang asawa ng iyong kapatid." 19 Ngunit nagkimkim ng galit si Herodias laban sa kaniya at gusto niya itong patayin, ngunit hindi niya magawa, 20 sapagkat natatakot si Herodes kay Juan, alam niyang matuwid at banal na tao si Juan, at pinanatili niya itong ligtas. At sa pakikinig nito sa kaniya ay labis siyang nabagabag, subalit siya ay nakinig sa kaniya na may galak. 21 At dumating ang araw ng pagkakataon nang ipagdiwang ni Herodes ang kaniyang kaarawan at naghanda siya ng hapunan para sa kaniyang mga opisyal, mga pinuno ng mga kawal at mga pinuno ng Galilea. 22 Dumating ang mismong anak na babae ni Herodias at sumayaw para sa kanila at naaliw niya si Herodes at kaniyang mga panauhin. At sinabi ng hari sa babae, "Humingi ka ng kahit na anong gusto mo at ibibigay ko ito sa iyo." 23 Sumumpa siya sa kaniya at sinabi, "Kahit na anong hingin mo sa akin, ibibigay ko sa iyo, hanggang sa kalahati ng aking kaharian." 24 Lumabas siya at sinabi sa kaniyang ina, "Ano ang dapat kong hingin sa kaniya?" Sinabi niya, "Ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo." 25 At kaagad siyang pumasok nang nagmamadali papunta sa hari at humingi, sinabi, "Gusto kong ibigay mo sa akin ngayon din ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo na nakalagay sa bandehado." 26 Lubhang nalungkot ang hari, ngunit dahil sa pangako at sa mga panauhin, hindi niya matanggihan ang kaniyang hinihingi. 27 Kaya pinapunta ng hari ang isang kawal mula sa kaniyang mga bantay at inutusan niyang dalhin sa kaniya ang ulo ni Juan. Pumunta ang kawal at pinugutan siya sa bilangguan. 28 Dinala niya ang ulo na nasa bandehado at ibinigay ito sa dalaga at ibinigay ito ng dalaga sa kaniyang ina. 29 At nang marinig ito ng kaniyang mga alagad, pumunta sila at kinuha ang kaniyang katawan at inilagay sa isang libingan. 30 Nagtipun-tipon ang mga apostol sa palibot ni Jesus at sinabi sa kaniya ang lahat ng kanilang nagawa at naituro. 31 At sinabi ni Jesus sa kanila, "Halikayo punta tayo sa ilang na lugar at sandaling magpahinga." Sapagkat maraming dumarating at umaalis, at wala man lamang silang oras para kumain. 32 Kaya sumakay sila sa bangka papunta sa ilang na lugar. 33 Ngunit nakita silang umaalis at maraming nakakilala sa kanila, at nagsitakbo ang mga tao mula sa mga bayan at naunahan nila sina Jesus na dumating doon. 34 Nang makarating na sila sa dalampasigan, nakita niya ang napakaraming tao at nahabag siya sa kanila dahil para silang mga tupa na walang pastol. At sinimulan niyang magturo sa kanila ng maraming bagay. 35 Nang dapit-hapon na, nagpunta sa kaniya ang kaniyang mga alagad at sinabi, "Ilang ang lugar na ito at gumagabi na. 36 Paalisin mo nalang sila upang makapunta sila sa karatig-pook at sa mga nayon upang bumili ng makakain para sa kanilang sarili." 37 Ngunit sumagot siya at sinabi sa kanila, "Bigyan ninyo sila ng anumang makakain." Sinabi nila sa kaniya, "Maaari ba kaming pumunta at bumili ng tinapay na nagkakahalaga ng dalawang daang denario at ibigay sa kanila upang kainin?" 38 Sinabi niya sa kanila, "Ilang pirasong tinapay ang mayroon kayo? Pumunta kayo at tingnan ninyo." Nang napag-alaman nila, sinabi nila, "Limang pirasong tinapay at dalawang isda." 39 Inutusan niya ang lahat ng tao na umupo ng pangkat-pangkat sa may damuhan. 40 Umupo silang pangkat-pangkat, mga pangkat ng tig-iisang daan at tig-lilimampu. 41 Nang kinuha niya ng limang tinapay at dalawang isda, tumingala siya sa langit, pinagpasalamatan at pinagpira-piraso niya ang mga tinapay at ibinigay sa kaniyang mga alagad upang ibigay sa mga tao. At pinaghinati-hati niya ang dalawang isda para sa kanilang lahat. 42 Kumain silang lahat hanggang sila ay nabusog. 43 Tinipun nila ang pinagpira-pirasong tinapay, labindalawang basket ang napuno, kasama na rin ang pinaghati-hating isda. 44 At may limanlibong mga kalalakihan ang kumain ng mga tinapay. 45 Agad niyang pinasakay ang kaniyang mga alagad sa bangka at pinauna sila sa kabilang dako, sa Betsaida, habang pinaaalis niya ang mga tao. 46 Nang wala na sila, umakyat siya sa bundok upang manalangin. 47 Sumapit ang gabi, nasa kalagitnaan na ng dagat ang bangka, at siya ay nag-iisa sa lupa. 48 At nakita niyang nahihirapan ang mga alagad habang nagsasagwan dahil ang hangin ay salungat sa kanila. Nang madaling-araw na pumunta siya sa kanila na naglalakad sa dagat at gusto niyang lagpasan sila. 49 Ngunit nang makita nilang naglalakad siya sa dagat, naisip nila na isa siyang multo at nagsigawan sila, 50 dahil nakita at natakot sila sa kaniya. Agad niya silang kinausap at sinabi sa kanila, "Lakasan ninyo ang inyong loob! Ako ito! Huwag kayong matakot!" 51 Sumakay siya sa bangka at tumigil ang pag-ihip ng hangin at lubos silang namangha sa kaniya. 52 Sapagkat hindi nila naintindihan kung ano ang kahulugan ng tinapay, ngunit mabagal umintindi ang kanilang mga kaisipan. 53 Nang makatawid na sila, nakarating sila sa lupain ng Genesaret at idinaong nila ang bangka. 54 Nang makababa sila sa bangka, agad nilang nakilala siya. 55 At nagtakbuhan sila sa buong rehiyon at nagsimulang dalhin sa kaniya ang mga may sakit na nasa higaan, saan man nila mabalitaan na siya ay pupunta. 56 Sa tuwing pumapasok siya sa mga nayon, o sa mga lungsod, o sa mga bayan, inilalagay nila ang mga may sakit sa mga pamilihan at nagmamakaawa sila sa kaniya na payagan man lamang silang hawakan ang laylayan ng kaniyang damit. At lahat ng humawak sa kaniya ay gumaling.

Chapter 7

1 Nagtipon-tipon sa paligid niya ang mga Pariseo at ilang mga eskriba na nanggaling sa Jerusalem. 2 At nakita nila ang ilan sa mga alagad niya na kumain ng tinapay na madungis ang kanilang mga kamay; na hindi nahugasan 3 (Dahil ang mga Pariseo at lahat ng mga Judio ay hindi kumakain hanggang hindi sila naghuhugas ng maigi ng kanilang mga kamay; pinanghahawakan nila ang kaugalian ng mga nakatatanda. 4 Tuwing nanggagaling sa pamilihan ang mga Pariseo, hindi sila kumakain hanggang hindi sila nakapaligo. At marami pang ibang mga patakaran ang mahigpit nilang sinusunod, kasama na rito ang paghuhugas ng mga tasa, palayok, mga sisidlang gawa sa tanso, pati na ang mga upuan sa hapag-kainan.) 5 Tinanong ng mga Pariseo at ng mga eskriba si Jesus, "Bakit hindi namumuhay alinsunod sa kaugalian ng mga nakatatanda ang iyong mga alagad, sapagkat kumakain sila ng tinapay ng hindi naghuhugas ng kanilang mga kamay?" 6 Ngunit sinabi niya sa kanila, "Malinaw na sinabi ng propetang Isaias ang tungkol sa inyong mga mapagpaimbabaw, isinulat niya, 'Pinaparangalan ako ng mga taong ito sa pamamagitan ng kanilang mga labi, ngunit malayo ang kanilang puso sa akin. 7 Walang laman ang pagsasamba na inaalay nila sa akin, itinuturo nila ang mga patakaran ng mga tao bilang kanilang doktrina.' 8 Tinalikuran ninyo ang kautusan ng Diyos at mahigpit ninyong pinanghahawakan ang kaugalian ng mga tao." 9 At sinabi niya sa kanila, "Madali ninyong tinanggihan ang kautusan ng Diyos para masunod ang inyong kaugalian! 10 Sapagkat sinabi ni Moises, 'Igalang ninyo ang inyong ama at ina,' at 'Ang sinumang nagsasalita ng masama tungkol sa kaniyang ama at ina ay tiyak na mamamatay.' 11 Ngunit sinasabi ninyo, 'Kapag sinabi ng isang tao sa kaniyang ama at ina, "Anumang tulong ang matatanggap ninyo mula sa akin ay Corban,"' (ibig sabihin, 'Ibinigay sa Diyos') - 12 kung gayon hindi na ninyo siya pinapayagang gumawa ng kahit na ano para sa kaniyang ama at ina. 13 Pinapawalang-bisa ninyo ang kautusan ng Diyos dahil sa mga ipinasa ninyong mga kaugalian. At marami pang mga bagay na katulad nito ang ginagawa ninyo." 14 Tinawag niyang muli ang maraming tao at sinabi sa kanila, "Makinig kayong lahat sa akin, at unawain ninyo ito. 15 Walang kahit anumang pumapasok sa tao ang makakapagpadungis sa kaniya. Ang mga bagay na lumalabas sa tao ang nakapagpadungis sa kaniya." 16 (Kung sinuman ang taong may taingang nakakarinig, hayaang marinig niya.) 17 Ngayon nang iniwan ni Jesus ang maraming tao at pumasok sa bahay, tinanong siya ng kaniyang mga alagad tungkol sa talinghaga. 18 Sinabi ni Jesus, "Hindi pa rin ba ninyo naiintindihan? Hindi ba ninyo alam na kahit anong pumasok sa isang tao mula sa labas, ito ay hindi makapagpapadungis sa kaniya, 19 dahil hindi ito maaaring mapunta sa kaniyang puso kung hindi sa kaniyang sikmura at lalabas ito patungo sa palikuran." Dahil sa pahayag na ito, ginawang malinis ni Jesus ang lahat ng mga pagkain. 20 Sinabi niya, "Ang lumalabas sa tao ang siyang nakapagpapadungis sa kaniya. 21 Dahil kung ano ang sinasaloob ng tao, na nanggaling sa kaniyang puso, lalabas ang masasamang pag-iisip, sekswal na imoralidad, pagnanakaw, pagpatay, 22 pangangalunya, pag-iimbot, kasamaan, pandaraya, kahalayan, inggit, paninira, kayabangan, kahangalan. 23 Ang lahat ng mga ito na masasama ay nanggagaling sa loob, at ito ang mga nakakapagpapadungis sa isang tao." 24 Tumayo siya mula doon at umalis papunta sa lupain ng Tiro at Sidon. Pumasok siya sa isang bahay at hindi niya nais na malaman ng kahit na sino na naroroon siya, ngunit hindi niya nagawang makapagtago. 25 Subalit may isang babae na may anak na babae na sinapian ng maruming espiritu, nang nakarinig ng tungkol sa kaniya ay agad-agad lumapit at nagpatirapa sa kaniyang paanan. 26 Ngayon ang babaing ito ay isang Griego na taga-Sirofenisa, ayon sa lahi. Nagmakaawa siya sa kaniya na palayasin ang demonyo sa kaniyang anak na babae. 27 Sinabi niya sa kaniya, "Hayaang pakainin muna ang mga bata. Sapagkat hindi tamang kunin ang tinapay ng mga bata at itapon ito sa mga aso." 28 Ngunit sumagot ang babae at sinabi sa kaniya, "Opo, Panginoon, kahit ang mga aso na nasa ilalim ng lamesa ay kumakain ng mumo ng mga bata." 29 Sinabi niya sa kaniya, "Dahil sa sinabi mo ito, malaya ka nang makakaalis. Lumayas na ang demonyo sa anak mong babae." 30 Bumalik ang babae sa kaniyang bahay at nakita ang bata na nakahiga sa higaan, at wala na ang demonyo. 31 Pagkatapos ay muli siyang umalis mula sa lupain ng Tiro, at dumaan sa Sidon patungo sa Dagat ng Galilea, paakyat sa lupain ng Decapolis. 32 At dinala sa kaniya ang isang taong bingi at nahihirapang magsalita, at nagmakaawa sila sa kaniya na ipatong niya ang kaniyang kamay sa lalaki. 33 Inihiwalay niya siya mula sa maraming tao nang sarilinan at hinawakan niya ang kaniyang mga tainga at pagkatapos dumura, hinawakan niya ang kaniyang dila. 34 Tumingala siya sa langit, at nagbuntong-hininga at sinabi sa kaniya, "Effata", na ang ibig sabihin ay, "Bumukas ka!" 35 Agad bumukas ang kaniyang pandinig at napuksa ang pumipigil sa kaniyang dila at malinaw na siyang nakapagsasalita. 36 At ipinag-utos niya sa kanilang huwag itong ipagsabi sa kahit na sino. Ngunit habang lalo pa niya itong pinagbabawal, mas lalo nila itong inihahayag. 37 Lubos silang namangha at sinasabi nilang, "Mahusay ang lahat ng kaniyang ginawa. Nagagawa niyang makarinig ang bingi at makapagsalita ang pipi."

Chapter 8

1 Sa mga araw na iyon, naroon muli ang maraming tao at wala silang makain. Tinawag ni Jesus ang kaniyang mga alagad at sinabi sa kanila, 2 "Naaawa ako sa mga tao dahil patuloy nila akong sinamahan ng tatlong araw at wala silang makain. 3 Kung pauuwiin ko sila sa kanilang mga tahanan na hindi pa nakakakain, maaari silang himatayin sa daan. At nagmula pa sa malayo ang ilan sa kanila." 4 Sinagot siya ng kaniyang mga alagad, "Saan tayo maaaring makakuha ng sapat na tinapay sa isang ilang na lugar upang busugin ang mga taong ito?" 5 Tinanong sila ni Jesus, "Ilang tinapay ang mayroon kayo?" Sinabi nila, "Pito." 6 Inutusan niyang umupo sa lupa ang mga tao. Kinuha niya ang pitong tinapay, nagpasalamat at hinati-hati ang mga ito. Ibinigay niya ang mga ito sa kaniyang mga alagad upang ipamigay nila, at ipinamigay nila ang mga ito sa mga tao. 7 Mayroon din silang ilang maliliit na isda, at matapos siyang makapagpasalamat para sa mga ito, inutusan niya ang kaniyang mga alagad na ipamahagi din ito. 8 Kumain sila at nabusog. At kinuha nila ang mga natirang pinaghati-hati, umabot ang mga ito sa pitong malalaking basket. 9 May apat na libo ang mga taong naroroon. At pinauwi niya sila. 10 Agad siyang sumakay sa bangka kasama ang kaniyang mga alagad at pumunta sila sa rehiyon ng Dalmanuta. 11 At pumunta ang mga Pariseo at nagsimulang makipagtalo sa kaniya. Humingi sila sa kaniya ng palatandaan mula sa langit upang subukin siya. 12 Napabuntong-hininga siya sa kaniyang espiritu at kaniyang sinabi, "Bakit naghahanap ng palatandaan ang salinlahing ito? Totoong sinasabi ko sa inyo, walang palatandaang ibibigay sa salinlahing ito." 13 Pagkatapos ay iniwan sila ni Jesus, muling sumakay sa bangka, at pumunta sa kabilang dako. 14 Ngayon nakalimutan ng mga alagad na magdala ng tinapay. Mayroon lamang silang natitirang isang tinapay sa bangka. 15 Binalaan niya sila at sinabi, "Magmasid kayo at magbantay laban sa lebadura ng mga Pariseo at sa lebadura ni Herodes." 16 Nangatwiran ang mga alagad sa isa't isa, "Ito ay dahil wala tayong tinapay." 17 Batid ito ni Jesus, at sinabi niya sa kanila, "Bakit ninyo ipinangangatwirang wala kayong tinapay? Hindi pa ba ninyo nababatid? Hindi ba ninyo nauunawaan? Naging tigang na ba ang inyong mga puso? 18 Mayroon kayong mga mata, hindi ba ninyo nakikita? Mayroon kayong mga tainga, hindi ba ninyo naririnig? Hindi pa rin ba ninyo naaalala? 19 Nang hinati ko ang limang tinapay para sa limang libo, ilang basket ang inyong napuno ng mga hinati-hating tinapay?" Sinabi nila sa kaniya, "Labindalawa." 20 "At nang hinati-hati ko ang pitong tinapay para sa apat na libo, ilang basket ang inyong napuno?" Sinabi nila sa kaniya, "Pito." 21 Sinabi niya, "Hindi pa rin ba ninyo nauunawaan?" 22 Nakarating sila sa Betsaida. Dinala sa kaniya ng mga tao doon ang isang lalaking bulag at pinakiusapan nila si Jesus na hawakan siya. 23 Inalalayan ni Jesus ang lalaking bulag at dinala siya palabas ng nayon. Nang niluraan niya ang kaniyang mga mata at pinatong ang kaniyang kamay sa kaniya, tinanong niya ito, "May nakikita ka bang anumang bagay?" 24 Tumingin siya at sinabi, "Nakakakita ako ng mga taong parang mga punong naglalakad." 25 Kaya ipinatong niyang muli ang kaniyang mga kamay sa kaniyang mga mata, at iminulat ng lalaki ang kaniyang mga mata, nanumbalik ang kaniyang paningin, at malinaw niyang nakita ang lahat ng mga bagay. 26 Pinauwi siya ni Jesus sa kaniyang tahanan at sinabi, "Huwag kang papasok sa bayan." 27 Umalis si Jesus at ang kaniyang mga alagad patungo sa nayon ng Cesarea Filipos. Sa daan tinanong niya ang kaniyang mga alagad, "Sino ako ayon sa mga sinasabi ng mga tao?" 28 Sumagot sila at sinabi, "Si Juan na Tagabautismo. Sinasabi ng iba, 'si Elias,' at ang iba, 'Isa sa mga propeta.'" 29 Tinanong sila ni Jesus, "Ngunit para sa inyo, sino ako?" Sinabi ni Pedro sa kaniya, "Ikaw ang Cristo." 30 Binalaan sila ni Jesus na huwag ipagsabi sa kahit kanino ang tungkol sa kaniya. 31 At nagsimula siyang magturo sa kanila na ang Anak ng Tao ay kailangang magdusa ng maraming bagay, at hindi tatanggapin ng mga nakatatanda, ng mga punong pari at ng mga eskriba, at ipapapatay, at muling babangon matapos ang tatlong araw. 32 Malinaw niya itong sinabi. At dinala siya ni Pedro sa isang tabi at nagsimula siyang pagsabihan. 33 Ngunit lumingon si Jesus at tumingin sa kaniyang mga alagad at sinaway niya si Pedro at sinabi, "Layuan mo ako Satanas! Hindi mo pinahahalagahan ang mga bagay tungkol sa Diyos ngunit pinahahalagahan mo ang mga bagay tungkol sa mga tao." 34 Pagkatapos tinawag niya ang maraming tao, kasama ng kaniyang mga alagad, at sinabi niya sa kanila, "Kung sinuman ang nagnanais sumunod sa akin, kailangan niyang ikaila ang kaniyang sarili, pasanin ang kaniyang krus at sumunod sa akin. 35 Sapagkat ang sinumang nais magligtas ng kaniyang buhay ay mawawalan nito at sinumang mawawalan ng kaniyang buhay alang-alang sa akin at para sa ebanghelyo ay makapagliligtas nito. 36 Ano ang mapapala ng isang tao, na makuha ang buong mundo at pagkatapos ay mawala ang kaniyang sariling buhay? 37 Ano ang maibibigay ng isang tao kapalit ng kaniyang buhay? 38 Kapag ikinahiya ako at ang aking salita ng sinuman sa mapangalunya at makasalanang salinlahing ito, ikakahiya rin siya ng Anak ng Tao kapag dumating na siya sa kaluwalhatian ng kaniyang Ama kasama ang mga banal na anghel."

Chapter 9

1 At sinabi niya sa kanila, "Totoo itong sasabihin ko sa inyo, mayroong ilan sa inyo na nakatayo rito ang hindi makakaranas ng kamatayan bago nila makita ang kaharian ng Diyos na darating na may kapangyarihan." 2 At makalipas ang anim na araw, sinama ni Jesus si Pedro, Santiago at Juan na umakyat sa mataas na bundok, na sila lang ang naroon. Pagkatapos, nagbago ang kaniyang anyo sa kanilang harapan. 3 Ang kaniyang kasuotan ay kumikinang nang napakaliwanag, labis na maputi, mas maputi kaysa sa anumang pampaputi sa mundo na maaaring makapagpapaputi sa mga ito. 4 Pagkatapos ay nagpakita sa kanila si Elias kasama si Moises, at nakikipag-usap sila kay Jesus. 5 Nagsalita si Pedro at sinabi kay Jesus, "Guro, mabuti para sa amin na kami ay naririto kaya hayaan mo kaming gumawa ng tatlong silungan, isa para sa iyo, isa para kay Moises at isa para kay Elias." 6 (Sapagkat hindi niya alam kung ano ang sasabihin, sapagkat sila ay lubhang natakot.) 7 Isang ulap ang dumating at lumilim sa kanila. Pagkatapos, isang boses ang nagmula sa ulap, "Ito ang aking minamahal na Anak. Makinig kayo sa kaniya." 8 Biglang, nang sila ay lumingon sa paligid, wala silang ibang nakitang kasama nila kundi si Jesus lamang. 9 Habang sila ay bumababa ng bundok, inutusan niya na walang sinuman ang kanilang pagsasabihan kung ano ang kanilang nakita, hanggang ang Anak ng Tao ay bumangon mula sa patay. 10 Kaya inilihim nila ang nangyari sa kanilang mga sarili, ngunit pinag-usapan nila kung ano ang ibig sabihin ng "bumangon mula sa patay." 11 Siya ay tinanong nila, "Bakit sinasabi ng mga eskriba na dapat maunang dumating si Elias?" 12 Sinabi niya sa kanila, "Tunay na mauunang darating si Elias upang ibalik sa dati ang lahat ng bagay. Kung gayon bakit nasusulat na ang Anak ng Tao ay maghihirap ng maraming bagay at kasusuklaman? 13 Ngunit sinasabi ko sa inyo na si Elias ay dumating na at ginawa nila ang lahat ng gusto nilang gawin sa kaniya, tulad ng sinasabi ng kasulatan tungkol sa kaniya." 14 At nang makabalik sila sa mga alagad, nakita nila ang napakaraming tao na nakapalibot sa kanila at nakikipagtalo ang mga eskriba sa kanila. 15 At nang makita nila si Jesus, namangha ang lahat ng mga tao at kaagad nagsipagtakbuhan papunta sa kaniya upang siya ay batiin. 16 Tinanong niya ang kaniyang mga alagad, "Ano ang inyong pinagtatalunan sa kanila?" 17 Sinagot siya ng isa sa mga taong naroroon, "Guro, dinala ko sa iyo ang aking anak na lalaki, mayroon siyang espiritu na pumipigil sa kaniya na makapagsalita, 18 at nagiging sanhi ito ng kaniyang pangingisay at ibinabagsak siya nito, bumubula ang kaniyang bibig, nagngangalit ang kaniyang mga ngipin at naninigas. Hiniling ko sa iyong mga alagad na palayasin ito sa kaniya ngunit hindi nila ito magawa." 19 Sinagot sila ni Jesus, "Salinlahing walang pananampalataya, hanggang kailan ba ako kailangang manatili kasama ninyo? Hanggang kailan ko kayo pagtitiisan? Dalhin ninyo siya sa akin." 20 Dinala nila ang batang lalaki sa kaniya. Nang makita ng espiritu si Jesus, kaagad siya nitong pinangisay. Natumba ang bata sa lupa at bumula ang bibig. 21 Tinanong ni Jesus ang ama ng bata, "Gaano na siya katagal na ganito?" Sinabi ng ama, "Mula pagkabata. 22 Madalas siyang tinatapon nito sa apoy o sa tubig at sinubukan siya nitong patayin. Kung may magagawa kang kahit ano, kaawaan mo kami at tulungan mo kami." 23 Sinabi ni Jesus sa kaniya, "'Kung may magagawa'? Ang lahat ay magagawa sa mga naniniwala." 24 Agad na sumigaw ang ama ng bata at nagsabi, "Naniniwala ako! Tulungan mo ang aking kawalan ng paniniwala!" 25 Nang makita ni Jesus ang mga tao na tumatakbo papunta sa kanila, sinaway niya ang masamang espiritu at sinabi, "Ikaw pipi at binging espiritu, inuutusan kita, lumabas ka at huwag nang bumalik pa sa kaniya." 26 Sumigaw ito at matinding pinangisay ang bata at pagkatapos ay lumabas. Nagmukhang parang isang patay ang bata kaya marami ang nagsabi, "Patay na siya." 27 Ngunit hinawakan ni Jesus ang kaniyang kamay at ibinangon siya, at tumayo ang batang lalaki. 28 Nang pumasok si Jesus sa bahay, tinanong siya ng kaniyang mga alagad ng sarilinan. "Bakit hindi namin iyon mapalayas?" 29 Sinabi niya sa kanila, "Ang ganitong uri ay hindi mapapalayas maliban sa pamamagitan ng panalangin." 30 Umalis sila mula roon at dumaan sa Galilea. Ayaw niyang malaman ng kahit sino kung nasaan sila, 31 sapagkat tinuturuan niya ang kaniyang mga alagad. Sinabi niya sa kanila, "Ang Anak ng Tao ay ibibigay sa kamay ng mga tao, at siya ay papatayin nila. Kung siya ay pinatay na, babangon siyang muli pagkalipas ng tatlong araw." 32 Ngunit hindi nila naintindihan ang pahayag na ito, at natakot silang tanungin siya. 33 At dumating sila sa Capernaum. At nang siya ay nasa loob ng bahay, tinanong niya sila, "Ano ang pinagtatalunan ninyo sa daan?" 34 Ngunit sila ay tahimik. Sapagkat habang sila ay nasa daan nakikipagtalo sila sa isa't isa kung sino ang pinakadakila sa kanila. 35 Umupo siya at tinawag ang Labindalawa nang magkakasama, at sinabi niya sa kanila, "Kung sino man ang nais mauna, dapat siyang maging huli sa lahat at maging tagapaglingkod ng lahat." 36 Kumuha siya ng isang maliit na bata at pinaupo sa kanilang kalagitnaan. Binuhat niya ito at sinabi sa kanila, 37 "Sinumang tumanggap sa isang batang katulad nito sa aking pangalan ay tumanggap din sa akin, at kung sinuman ang tumanggap sa akin, hindi lamang ako ang tinanggap niya, kundi maging ang nagsugo sa akin." 38 Sinabi ni Juan sa kaniya, " Guro, may nakita kaming nagpapalayas ng demonyo sa iyong pangalan at pinatigil namin siya, dahil hindi siya sumusunod sa atin." 39 Ngunit sinabi ni Jesus, "Huwag ninyo siyang patigilin, sapagkat walang sinuman ang gagawa ng dakilang bagay sa pangalan ko at pagkatapos ay magsasalita ng anumang masama tungkol sa akin. 40 Sinumang hindi laban sa atin ay sumasa atin, 41 Sinumang magbigay sa inyo ng isang tasa ng tubig upang inumin dahil kabilang kayo kay Cristo, totoong sinasabi ko sa inyo, hindi mawawala ang kaniyang gantimpala. 42 Ang sinumang nagiging dahilan na madapa ang isa sa mga bata na ito na naniniwala sa akin, mas mabuti pa sa kaniya na talian ang kaniyang leeg ng malaking gilingang bato at itapon siya sa dagat. 43 Kung ang iyong kamay ang dahilan upang ikaw ay madapa, putulin mo ito. Mas mabuti pang pumasok ka sa buhay na walang kamay kaysa may dalawang kamay at pumunta sa impiyerno, sa apoy na hindi namamatay. 44 (kung saan ang kanilang mga uod ay hindi kailanman mamamatay at ang apoy ay hindi kailanman mamamatay) 45 Kung ang iyong paa ang dahilan upang ikaw ay madapa, putulin mo ito. Mas mabuti pa para sa iyo na pilay kang papasok sa buhay, kaysa may dalawang paa at maitapon sa impiyerno. 46 (kung saan ang kanilang mga uod ay hindi kailanman mamamatay at ang apoy ay hindi kailanman mamamatay.) 47 Kung ang iyong mata ang dahilan upang ikaw ay madapa, dukutin mo ito. Mas mabuti pang pumasok sa kaharian ng Diyos na may isang mata kaysa mayroong dalawang mata at maitapon sa impiyerno, 48 kung saan hindi namamatay ang kanilang mga uod at hindi namamatay ang apoy. 49 Dahil ang lahat ay maasinan ng apoy. 50 Ang asin ay mabuti, ngunit kung mawala ang pagka-alat nito, paano mo ito mapapaalat muli? Taglayin ninyo ang asin sa inyong mga sarili at magkaroon kayo ng kapayapaan sa isa't-isa."

Chapter 10

1 Iniwan ni Jesus ang lugar na iyon at pumunta sa rehiyon ng Judea at sa lugar lampas sa Ilog ng Jordan at muling pumunta ang mga tao sa kaniya. Tinuruan niyang muli ang mga ito, gaya ng kaniyang nakagawian. 2 At pumunta sa kaniya ang mga Pariseo upang subukin siya at nagtanong, "Naaayon ba sa batas ang hiwalayan ng asawang lalaki ang kaniyang asawa?" 3 Sumagot siya, "Ano ba ang iniutos sa inyo ni Moises?" 4 Sinabi nila, "Pinahintulutan ni Moises ang lalaki na sumulat ng katibayan ng paghihiwalay at pagkatapos ay paaalisin siya." 5 Sinabi ni Jesus sa kanila, "Ito ay dahil sa matitigas ninyong mga puso, kaya isinulat niya ang batas na ito. 6 Ngunit sa simula pa lamang ng paglikha, 'Ginawa sila ng Diyos na lalaki at babae.' 7 'Sa kadahilanang ito, iiwanan ng lalaki ang kaniyang ama at ina upang makipisan sa kaniyang asawa, 8 at ang dalawa ay magiging isang laman.' Kaya hindi na sila dalawa, kundi iisang laman. 9 Kaya ang pinagbuklod ng Diyos, huwag paghiwalayin ng tao." 10 Nang nasa bahay na sila, muli siyang tinanong ng kaniyang mga alagad tungkol dito. 11 Sinabi niya sa kanila, "Sinumang makipaghiwalay sa kaniyang asawang babae at mag-asawa ng ibang babae ay nangangalunya laban sa kaniya. 12 At kung makikipaghiwalay ang babae sa kaniyang asawa at mag-asawa ng ibang lalaki, siya ay nangangalunya." 13 At dinala nila ang kanilang mga anak sa kaniya upang sila ay maaari niyang hawakan, ngunit sinaway sila ng mga alagad. 14 Ngunit nang mabatid ito ni Jesus, labis na sumama ang kaniyang loob at sinabi sa kanila, "Pahintulutan ninyong pumunta sa akin ang mga maliliit na bata at huwag ninyo silang pagbawalan, dahil nabibilang ang mga katulad nila sa kaharian ng Diyos. 15 Totoo, sinasabi ko ito sa inyo, sinumang hindi tatanggap sa kaharian ng Diyos na tulad ng isang maliit na bata ay tiyak na hindi makakapasok dito." 16 Pagkatapos, kinalong niya ang mga bata at binasbasan niya sila sa pagpatong ng kaniyang kamay sa kanila. 17 At nang simulan niya ang kaniyang paglalakbay, patakbong lumapit sa kaniya ang isang lalaki at lumuhod sa harapan niya at nagtanong, "Mabuting Guro, ano ang dapat kong gawin upang manahin ang buhay na walang hanggan?" 18 At sinabi ni Jesus, "Bakit mo ako tinawag na mabuti? "Walang sinuman ang mabuti, maliban lamang sa Diyos. 19 Alam mo ang mga kautusan: 'Huwag kang papatay, huwag kang mangangalunya, huwag kang magnakaw, huwag kang magpapatotoo ng kasinungalingan, huwag kang mandaraya, igalang mo ang iyong ama at ina'." 20 Sinabi ng lalaki, "Guro, sinunod ko ang lahat ng mga bagay na ito magmula pa sa aking pagkabata." 21 Tiningnan siya ni Jesus at minahal siya. Sinabi niya sa kaniya, "Isang bagay ang kulang sa iyo. Dapat mong ipagbili ang lahat ng mayroon ka at ibigay sa mga mahihirap at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos ay sumunod ka sa akin." 22 Ngunit pinanghinaan siya ng loob sa mga pahayag na ito, umalis siya na lubusang nalungkot sapagkat marami siyang ari-arian. 23 Tumingin si Jesus sa kaniyang paligid at sinabi sa kaniyang mga alagad, "Napakahirap para sa mga mayayaman ang makapasok sa kaharian ng Diyos!" 24 Namangha ang mga alagad sa kaniyang mga salita. Ngunit muling sinabi ni Jesus sa kanila, "Mga bata, napakahirap ang makapasok sa kaharian ng Diyos! 25 Mas madali pang makapasok sa butas ng karayom ang kamelyo, kaysa sa isang mayaman na makapasok sa kaharian ng Diyos." 26 Labis silang namangha at sinabi sa isa't isa, "Kung gayon sino ang maliligtas?" 27 Tumingin si Jesus sa kanila at sinabi, " Hindi magagawa ito sa mga tao, ngunit hindi sa Diyos. Sapagkat magagawa ng Diyos ang lahat." 28 Nagsimulang magsalita sa kaniya si Pedro, "Tingnan mo, iniwan namin ang lahat at sumunod sa iyo." 29 Sinabi ni Jesus, "Totoo ang sinasabi ko sa inyo, walang sinuman ang nang-iwan ng bahay, mga kapatid, ina, ama, mga anak, o mga lupain alang-alang sa akin at alang-alang sa mabuting balita, 30 ang hindi makatatanggap ng isandaang ulit pa ng mga ito sa mundo ngayon: mga bahay, mga kapatid, mga ina, mga anak at mga lupain na may mga pag-uusig, at sa mundong paparating, ang buhay na walang hanggan. 31 Ngunit marami ang nauuna na mahuhuli at ang nahuhuli ay mauuna." 32 Nasa daan sila, paakyat sa Jerusalem at nauuna si Jesus sa kanila. Namangha ang mga alagad at ang mga sumusunod ay natatakot. At muling ibinukod ni Jesus ang Labindalawa at nagsimulang sabihin sa kanila ang nalalapit na mangyayari sa kaniya, 33 "Tingnan ninyo, pupunta tayo sa Jerusalem, at ihaharap ang Anak ng Tao sa mga punong pari at sa mga eskriba. Hahatulan nila siya ng kamatayan at ibibigay siya sa mga Gentil. 34 Kukutyain nila siya, duduraan, hahagupitin at kanilang papatayin. Ngunit mabubuhay siya pagkatapos ng tatlong araw." 35 Pumunta sa kaniya sina Santiago at Juan, mga anak ni Zebedeo at sinabi, "Guro, gusto naming gawin mo para sa amin ang kahit anong hingin namin sa iyo." 36 Sinabi niya sa kanila, "Anong gusto ninyong gawin ko para sa inyo?" 37 Sinabi nila, "Payagan mo kaming umupo na kasama mo sa iyong kaluwalhatian, isa sa iyong kanang kamay at ang isa sa iyong kaliwa." 38 Ngunit sumagot si Jesus sa kanila, "Hindi ninyo alam ang inyong hinihingi. Makakaya ba ninyong uminom sa tasang iinuman ko o tiisin ang bautismo na ibabautismo sa akin?" 39 Sinabi nila sa kaniya, "Makakaya namin." Sinabi ni Jesus sa kanila, "Ang tasang iinuman ko, iinuman ninyo at ang bautismo na ibabautismo sa akin, titiisin ninyo. 40 Ngunit kung sino ang uupo sa aking kanang kamay o sa aking kaliwang kamay, hindi ako ang magkakaloob kundi para ito sa kaninumang naihanda na." 41 Nang marinig ng iba pang sampung alagad ang tungkol dito, nagsimula silang magalit ng labis kina Santiago at Juan. 42 Tinawag sila ni Jesus at sinabi, "Alam ninyo na ang itinuturing na mga pinuno ng mga Gentil ang nangingibabaw sa kanila, at ang kanilang mga mahahalagang tao ang nagpapatupad ng kapangyarihan sa kanila. 43 Ngunit hindi sa paraang ito ang nararapat sa inyo. Sinumang nagnanais na maging dakila sa inyo ay nararapat ninyong maging lingkod, 44 at sinumang nagnanais na manguna sa inyo ay nararapat na maging alipin ng lahat. 45 Sapagkat hindi dumating ang Anak ng Tao upang paglingkuran, ngunit upang maglingkod at upang ibigay ang kaniyang buhay bilang katubusan ng lahat." 46 Nakarating sila sa Jerico. Nang paalis na si Jesus sa Jerico kasama ang kaniyang mga alagad at ang napakaraming tao, ang anak ni Timeo, na si Bartimeo, isang bulag na pulubi ay nakaupo sa tabi ng daan. 47 Nang marinig niyang si Jesus na taga-Nazaret iyon, nagsimula siyang sumigaw at nagsabi, "Jesus, Anak ni David, maawa ka sa akin!" 48 Maraming sumusuway sa bulag, na nagsasabi na manahimik siya. Ngunit lalo pa siyang sumigaw, "Anak ni David, maawa ka sa akin!" 49 Huminto si Jesus at iniutos na siya ay tawagin. Tinawag nila ang bulag na sinasabi, "Maging matapang ka! Tumayo ka! Tinatawag ka niya." 50 Inihagis niya ang kaniyang balabal, lumukso at pumunta kay Jesus. 51 At sinagot siya ni Jesus at sinabi, "Anong gusto mong gawin ko para sa iyo?" Sinabi ng bulag, "Rabi, gusto kong matanggap ang aking paningin." 52 Sinabi ni Jesus sa kaniya, "Humayo ka. Ang iyong pananampalataya ang nagpagaling sa iyo." Kaagad niyang natanggap ang kaniyang paningin at sumunod siya kay Jesus sa daan.

Chapter 11

1 Ngayon nang makarating sila sa Jerusalem, nang malapit na sila sa Betfage at Bethania, sa Bundok ng Olibo, inutusan ni Jesus ang dalawa niyang alagad 2 at sinabi sa kanila, "Pumunta kayo sa nayon sa tapat natin. Sa oras na makapasok kayo, makakakita kayo ng isang batang asno hindi pa nasasakyan. Kalagan ninyo ito at dalhin ninyo sa akin. 3 At kung sinuman ang magtatanong sa inyo, 'Bakit ninyo ginagawa iyan?', sabihin ninyo lang, 'Kailangan ito ng Panginoon at ibabalik din ito agad dito.' " 4 Umalis sila at nakita ang isang batang asno na nakatali sa labas ng isang pintuan sa lansangan at kinalagan nila ito. 5 May ilang mga tao ang nakatayo doon at nagtanong sa kanila, "Anong ginagawa ninyo at kinakalagan ninyo ang bisiro?" 6 Sinagot nila sila gaya ng sinabi sa kanila ni Jesus at pinabayaan na silang makaalis ng mga tao. 7 Dinala ng dalawang alagad ang bisiro kay Jesus at nilatagan nila ito ng kanilang kasuotan upang masakyan niya. 8 Maraming mga tao ang naglatag ng kanilang mga kasuotan sa daan at mayroon din namang naglatag ng mga sanga na pinutol nila mula sa bukirin. 9 Ang mga nauuna at sumusunod sa kaniya ay sumisigaw ng, "Hosanna! Pinagpala ang sinumang pumaparito sa pangalan ng Panginoon. 10 Pagpalain ang pagdating ng kaharian ng ating amang si David! Hosanna sa kataas-taasan!" 11 Pagkatapos ay pumasok si Jesus sa loob ng Jerusalem at tumuloy sa templo at tumingin sa paligid at sa lahat ng mga bagay. Ngayon, dahil hapon na, pumunta siya sa Bethania kasama ang Labindalawa. 12 Kinabukasan, sa kanilang pagbabalik mula sa Bethania, nagutom siya. 13 At nang nakakita siya sa malayo ng puno ng igos na may mga dahon, pumunta siya upang tingnan kung mayroon ba siyang makukuha rito. At pagkarating niya doon, wala siyang nakita kung hindi puro dahon, dahil hindi pa panahon ng mga igos. 14 Kinausap niya ito, "Wala ng makakakain muli ng bunga mula sa iyo." At narinig ito ng kaniyang mga alagad. 15 Nakarating sila sa Jerusalem, pumasok siya sa templo at sinimulan niyang palayasin ang mga nagtitinda at namimili sa templo. Tinaob niya ang mga lamesa ng mga nagpapalit ng salapi at ang mga upuan ng mga nagbebenta ng kalapati. 16 Hindi niya pinayagang makapasok ang kahit na sino na may dalang kahit na anong bagay na maaaring ibenta sa templo. 17 Tinuruan niya sila at sinabi, "Hindi ba nasusulat na, 'Ang aking tahanan ay tatawaging Bahay ng Panalangin para sa lahat ng mga bansa'? Ngunit ginawa ninyo itong yungib ng mga magnanakaw." 18 Narinig ng mga punong pari at ng mga eskriba ang sinabi niya, at naghanap sila ng paraan upang ipapatay siya. Kinatatakutan nila siya dahil ang lahat ng mga tao ay namangha sa kaniyang mga tinuturo. 19 At tuwing sumasapit ang gabi ay umaalis sila sa lungsod. 20 Nang dumaan sila kinaumagahan, nakita nilang nalanta na ang puno ng igos hanggang sa mga ugat nito. 21 Naalala ito ni Pedro at sinabi, "Rabi, tignan mo! Nalanta ang puno ng igos na sinumpa mo." 22 Sinagot sila ni Jesus, "Manampalataya kayo sa Diyos. 23 Totoo itong sinasabi ko sa inyo na kung sinuman ang magsasabi sa bundok na ito na, ''Mapataas ka at ihagais mo ang iyong sarili sa dagat,' at kung hindi siya magdududa sa kaniyang puso ngunit naniniwala siyang mangyayari ang sinabi niya, iyon ang gagawin ng Diyos. 24 Kaya sinasabi ko ito sa inyo: Ang lahat ng inyong ipapanalangin at hinihiling, maniwala kayong natanggap na ninyo, at ito ay mapapasa-inyo. 25 Kapag tumayo ka at mananalangin, kailangan mong patawarin ang kahit na anong mayroon ka laban sa kahit na sino, nang sa gayon ay mapatawad din ng inyong Amang nasa langit ang iyong mga pagsuway." 26 (Ngunit kung hindi ka magpapatawad, hindi rin patatawarin ng Amang nasa langit ang inyong mga kasalanan.) 27 Nakarating silang muli ng Jerusalem, habang si Jesus ay naglalakad sa templo, nilapitan siya ng mga punong pari, mga eskriba, at ng mga nakatatanda. 28 Sinabi nila sa kaniya, "Sa anong kapangyarihan mo ginagawa ang mga bagay na ito? At sino ang nagbigay sa iyo ng kapangyarihang gawin ang mga ito?" 29 Sinabi sa kanila ni Jesus, "Tatanungin ko kayo ng isang katanungan. Sabihin ninyo sa akin at sasabihin ko rin sa inyo kung sa anong kapangyarihan ko ginagawa ang mga bagay na ito. 30 Ang pagbabautismo ni Juan, nanggaling ba iyon sa langit o sa tao? Sagutin ninyo ako." 31 At sila ay nag-usap-usap at nagtalu-talo at sinabi, "Kung sasabihin nating, 'Sa langit,' sasabihin niyang, 'Bakit hindi ninyo siya pinaniwalaan?' 32 Ngunit kung sasabihin nating, 'Mula sa tao,'..." Natakot sila sa mga tao, dahil pinanghahawakan nilang lahat na si Juan ay isang propeta. 33 Pagkatapos ay sinagot nila si Jesus at sinabi, "Hindi namin alam." At sinabi ni Jesus sa kanila, "Hindi ko rin sasabihin sa inyo kung sa anong kapangyarihan ko ginagawa ang mga bagay na ito."

Chapter 12

1 Pagkatapos nagsimulang magturo sa kanila si Jesus ng mga talinghaga. Sinabi niya, "May isang tao na gumawa ng ubasan, binakuran ang paligid nito, at gumawa ng hukay para sa pisaan ng ubas. Nagtayo siya ng toreng bantayan at pagkatapos ay pinaupahan niya ang ubasan sa mga katiwala ng ubas. Pagkatapos ay naglakbay siya. 2 Sa tamang panahon, ipinadala niya ang kaniyang lingkod sa mga tagapag-alaga ng ubas upang tanggapin mula sa kanila ang ilan sa mga bunga ng ubasan. 3 Ngunit kinuha nila siya, binugbog at pinalayas na walang dalang anuman. 4 Muli siyang nagpadala sa kanila ng iba pang lingkod, sinugatan nila ito sa ulo at ipinahiya. 5 Nagpadala siya ng isa pa, at pinatay rin nila ito. Ganito din ang pakikitungo nila sa mga iba pa, binugbog ang ilan at pinapatay ang iba. 6 Mayroon pa siyang isang taong maipapadala, ang pinakamamahal niyang anak. Siya ang pinakahuling taong ipinadala niya sa kanila. Sinabi niya, "Igagalang nila ang aking anak." 7 Ngunit sinabi ng mga katiwala sa isa't isa, "Ito ang tagapagmana. Halikayo, patayin natin siya at mapapasaatin ang kaniyang mana." 8 Dinakip nila siya, pinatay at ipinatapon sa labas ng ubasan. 9 Kaya, ano ang gagawin ng may-ari ng ubasan? Darating siya at papatayin ang mga katiwala ng ubas at ibibigay ang ubasan sa iba. 10 Hindi ba ninyo nababasa ang kasulatang ito? 'Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo, ang naging batong-panulukan. 11 Mula ito sa Panginoon at kamangha-mangha ito sa ating mga mata."' 12 Nais nilang hulihin si Jesus ngunit natakot sila sa maraming tao, sapagkat alam nilang sinabi niya ang talinghagang ito laban sa kanila. Kaya iniwan nila siya at umalis. 13 Pagkatapos, nagpadala sila sa kaniya ng ilan sa mga Pariseo at mga tauhan ni Herodes upang bitagin siya sa pamamagitan ng mga salita. 14 Nang makarating sila, sinabi nila sa kaniya, "Guro, alam namin na wala kayong pakialam sa saloobin ninuman at hindi kayo nagpapakita ng pagpanig sa pagitan ng mga tao. Tunay na iyong itinuturo ang daan ng Diyos. Naaayon ba sa kautusan na magbayad ng buwis kay Cesar o hindi? Kailangan ba kaming magbayad o hindi?" 15 Ngunit batid ni Jesus ang kanilang pagkukunwari at sinabi niya sa kanila, "Bakit ninyo ako sinusubok? Dalhan ninyo ako ng denario upang matingnan ko ito." 16 Nagdala sila ng isa kay Jesus. Sinabi niya sa kanila, "Kaninong larawan at tatak ito?" Sumagot sila, "Kay Cesar." 17 Sinabi ni Jesus, "Ibigay kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar, at sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos." Namangha sila sa kaniya. 18 Pagkatapos pumunta sa kaniya ang mga Saduceo na nagsasabing walang pagkabuhay muli. Tinanong nila siya na nagsasabi, 19 "Guro, sumulat si Moises para sa atin, 'Kung namatay ang kapatid na lalaki ng isang lalaki at maiwan niya ang asawa, ngunit walang anak, kailangang kunin ng lalaki ang asawa ng kaniyang kapatid, at magkaroon ng mga anak para sa kaniyang kapatid.' 20 Mayroong pitong magkakapatid na lalaki; ang una ay nakapangasawa at pagkatapos ay namatay na walang naiwang anak. 21 Pagkatapos kinuha siya upang mapangasawa ng ikalawa at namatay na walang naiwang anak. At gayundin ang ikatlo. 22 At walang naiwang anak ang pito. Sa huli namatay din ang babae. 23 Sa muling pagkabuhay, kapag sila ay bumangon muli, sino ang kaniyang magiging asawa? Gayong napangasawa niya ang lahat ng pitong magkakapatid." 24 Sinabi ni Jesus, "Hindi ba ito ang dahilan kaya kayo nagkakamali, dahil hindi ninyo nalalaman ang kasulatan maging ang kapangyarihan ng Diyos? 25 Sapagkat kapag bumangon sila mula sa mga patay, hindi na sila mag-aasawa o makapag-aasawa, ngunit katulad sila ng mga anghel sa langit. 26 Ngunit tungkol sa mga patay na ibinangon, hindi ba ninyo nabasa sa Aklat ni Moises, sa salaysay tungkol sa mababang punong kahoy, kung paano nangusap sa kaniya ang Diyos at sinabi, 'Ako ang Diyos ni Abraham at ang Diyos ni Isaac at ang Diyos ni Jacob?' 27 Hindi siya ang Diyos ng mga patay, ngunit ng mga buhay. Nagkakamali kayo. 28 Isa sa mga eskriba ang nagpunta at nakarinig sa kanilang pag-uusap, nakita niyang mahusay silang sinagot ni Jesus. Tinanong niya ito, "Ano ang pinakamahalagang kautusan sa lahat?" 29 Sumagot si Jesus, "Ang pinakamahalagang kautusan ay, 'Makinig kayo, Israel, ang Panginoong ating Diyos, ang Panginoon ay iisa. 30 Ibigin ninyo ang Panginoon ninyong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, nang buong pag-iisip, at nang buong kalakasan.' 31 Ito ang ikalawang kautusan, 'Ibigin ninyo ang inyong kapwa gaya ng inyong sarili.' Wala nang iba pang kautusang higit na dakila kaysa mga ito." 32 Sinabi ng eskriba, "Mahusay, Guro! Tunay na nasabi ninyong iisa ang Diyos, at wala ng iba pa maliban sa kaniya. 33 Ang ibigin siya nang buong puso, nang buong pang-unawa, nang buong kalakasan, at ang ibigin ang kapwa gaya ng sarili ay higit na mahalaga kaysa sa lahat ng mga susunuging mga alay at mga hain." 34 Nang makita ni Jesus na siya ay nagbigay ng matalinong kasagutan, sinabi niya sa kaniya, "Hindi ka malayo sa kaharian ng Diyos." Matapos iyon walang sinumang nangahas magtanong kay Jesus ng anumang mga katanungan. 35 At tumugon si Jesus, habang nangangaral siya sa templo, sinabi niya, "Paano ito nasasabi ng mga eskriba na ang Cristo ay anak ni David? 36 Si David mismo, sa pamamagitan ng Banal na Espiritu ay nagsabi, 'Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon, umupo ka sa aking kanang kamay, hanggang magawa kong tapakan ng paa mo ang iyong mga kaaway.' 37 Mismong si David ay tinawag na Cristo ang 'Panginoon', kaya paano siya naging anak ni David?" Masayang nakinig sa kaniya ang napakaraming tao. 38 Sa kaniyang pagtuturo, sinabi ni Jesus, "Mag-ingat kayo sa mga eskriba na nagnanais na maglakad ng may mahabang mga balabal at batiin sa mga pamilihan 39 at magkaroon ng mga pangunahing upuan sa mga sinagoga at sa mga pangunahing lugar sa mga kapistahan. 40 Kinakamkam din nila ang mga bahay ng mga balo at nananalangin sila ng mga mahahabang panalangin upang makita ng mga tao. Makatatanggap ang mga taong ito ng mas mabigat na parusa." 41 Pagkatapos umupo si Jesus sa tapat ng lalagyan ng kaloob sa templo; pinagmamasdan niya ang mga tao habang inihuhulog nila ang kanilang pera sa kahon. Maraming mayayamang tao ang naglalagay ng malalaking halagang pera. 42 At dumating ang isang mahirap na balo at naglagay ng dalawang kusing na nagkakahalaga ng isang pera. 43 At tinawag niya ang kaniyang mga alagad at sinabi sa kanila, "Mahalaga itong sinasabi ko sa inyo, ang mahirap na balong ito ay nakapaglagay ng higit kaysa lahat ng nagbigay sa lalagyan ng kaloob 44 Sapagkat nagbigay ang lahat sa kanila mula sa kanilang kasaganahan. Ngunit ang balong ito, sa kaniyang kahirapan, inilagay ang lahat ng perang mayroon siya na kaniyang ikabubuhay."

Chapter 13

1 Habang si Jesus ay naglalakad papalayo mula sa templo, sinabi sa kaniya ng isa sa kaniyang mga alagad, "Guro, tingnan mo ang kamangha-manghang mga bato at mga gusali!" 2 Sinabi niya sa kaniya, "Nakikita ba ninyo ang naglalakihang mga gusali na ito? Walang isa mang bato ang matitira sa ibabaw ng kapwa bato, ang lahat ay maguguho." 3 Nang umupo siya sa Bundok ng mga Olibo sa tapat ng templo, tinanong siya nang sarilinan nina Pedro, Santiago, Juan at Andres, 4 "Sabihin mo sa amin, kailan mangyayari ang mga ito? Ano ang magiging palatandaan na ang lahat na ito ay malapit nang mangyari?" 5 Nagsimulang magsalita si Jesus sa kanila, "Mag- ingat kayo na walang sinuman ang magligaw sa inyo. 6 Marami ang darating sa aking pangalan at magsasabi, 'Ako siya,' at ililigaw nila ang karamihan. 7 Kapag nakarinig kayo ng mga digmaan, at mga balita ng digmaan, huwag kayong mag-alala; dapat mangyari ang mga bagay na ito, ngunit hindi pa ito ang wakas. 8 Sapagkat makikipaglaban ang isang bansa sa kapwa niya bansa, at ang kaharian laban sa kapwa kaharian. Magkakaroon ng mga lindol sa maraming lugar at mga tag-gutom. Ito ang mga pasimula ng paghihirap na tulad ng isang babaing manganganak. 9 Maging mapagbantay kayo. Dadalhin nila kayo sa mga konseho, at kayo ay bubugbugin sa mga sinagoga. Haharap kayo sa mga hari at mga gobernador alang-alang sa akin, bilang isang patotoo sa kanila. 10 Ngunit ang ebanghelyo ay dapat munang maihayag sa lahat ng mga bansa. 11 Kapag hinuli nila kayo at ipasakamay sa iba, huwag kayong mag-alala kung ano ang inyong dapat sabihin. Dahil sa oras na iyon, ibibigay sa inyo kung ano ang dapat ninyong sabihin; hindi kayo ang magsasalita, kundi ang Banal na Espiritu. 12 Ipasakamay ng isang kapatid ang kaniyang kapatid sa kamatayan, at ang isang ama naman ang kaniyang anak. Ang mga anak ay lalaban sa kanilang mga magulang at ipapapatay nila sila. 13 Kayo ay kamumuhian ng lahat dahil sa aking pangalan. Ngunit sinuman ang makatitiis hanggang sa wakas, ang taong iyon ay maliligtas. 14 Kapag nakita ninyo ang kasuklam-suklam na lagim na nakatayo kung saan ito hindi dapat nakatayo (intindihin ng bumabasa), tumakas papunta sa mga bundok ang mga nasa Judea, 15 ang mga nasa bubungan ay huwag ng bumaba pa sa loob ng bahay, o magdala ng ano pa man mula doon, 16 at ang mga nasa bukirin ay huwag ng umuwi upang kunin ang kanilang balabal. 17 Ngunit aba silang mga nagdadalang-tao at nagpapasuso ng mga sanggol sa mga panahong iyon! 18 Ipanalangin ninyong huwag itong mangyari sa panahon ng tag-lamig. 19 Sapagkat magkakaroon ng matinding kahirapan na wala pang kagaya mula nang simula, nang likhain ng Diyos ang daigdig hanggang sa ngayon at wala nang mangyayari pa na katulad nito. 20 Maliban na lang kung paiksiin ng Panginoon ang mga araw, walang sinuman ang maliligtas. Ngunit alang-alang sa mga hinirang na mga pinili niya, paiiksiin niya ang bilang ng mga araw. 21 At kung may nagsabi sa inyong, 'Tingnan ninyo, nandito ang Cristo!' o 'Tingnan ninyo, nandito siya' huwag ninyo itong paniwalaan. 22 Sapagkat lilitaw ang mga bulaang Cristo at bulaang mga propeta at magbibigay ng mga himala at kababalaghan upang linlangin, kung maaari, maging ang mga hinirang. 23 Maging mapagbantay kayo! Ngayon pa lang ay sinabi ko na ang mga bagay na ito sa inyo. 24 Ngunit pagkatapos ng matinding kahirapan sa mga araw na iyon, ang araw ay didilim at ang buwan ay hindi na magliliwanag, 25 ang mga bituwin ay mahuhulog mula sa langit at ang kapangyarihan na nasa kalangitan ay mayayanig. 26 Pagkatapos, makikita nila ang Anak ng Tao na dumarating mula sa mga ulap taglay ang dakila nitong kapangyarihan at kaluwalhatian. 27 Pagkatapos ipapadala niya ang kaniyang mga anghel upang tipunin ang kaniyang mga hinirang mula sa apat na sulok ng mundo, mula sa mga dulo ng lupa hanggang sa dulo ng langit. 28 Matuto kayo ng aral mula sa puno ng igos. Sa oras na maging malambot ang sanga nito at magsimulang sumibol ang mga dahon, alam ninyong malapit nang dumating ang tag-araw. 29 Gayon din, kapag nakita ninyong nangyayari ang mga bagay na ito, alam ninyong malapit na siyang darating, malapit sa mga tarangkahan. 30 Totoo ang sinasabi ko sa inyo, hindi lilipas ang salinlahing ito hanggang hindi nangyayari ang lahat ng mga ito. 31 Lilipas ang langit at ang lupa, ngunit ang aking salita ay hinding-hindi lilipas. 32 Ngunit patungkol sa araw o sa oras na iyon, walang sinuman ang nakakaalam, maging ang mga anghel sa langit o maging ang Anak, tanging ang Ama lamang. 33 Maging handa kayo! Magbantay kayo, sapagkat hindi ninyo alam kung sa anong oras ito. 34 Katulad ito ng isang lalaking naglakbay: umalis siya sa bahay niya at ipinagkatiwala sa kaniyang mga lingkod ang pamamahala sa kaniyang bahay, ang bawat isa ay may kani-kaniyang gawain. At inutusan niya ang tagapagbantay na manatiling gising. 35 Kaya magbantay kayo! Sapagkat hindi ninyo alam kung kailan uuwi ang amo ng tahanan, maaaring sa gabi, sa hating gabi, kapag tumilaok ang tandang, o sa umaga. 36 Kung bigla siyang dumating, huwag ninyong hayaan na madatnan niya kayong natutulog. 37 Kung ano ang sinasabi ko sa inyo ay sinasabi ko sa lahat: Magbantay kayo!"

Chapter 14

1 Dalawang araw pa bago ang Paskua at ang Kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Nag-iisip ang mga punong pari at ang mga eskriba kung paano nila patagong madakip si Jesus at pagkatapos ay papatayin. 2 Sapagkat sinasabi nila, "Hindi sa panahon ng pista, sa gayon hindi magkaroon ng kaguluhan ang mga tao." 3 Nang si Jesus ay nasa Bethania sa bahay ni Simon na ketongin, habang nakasandal siya sa mesa, isang babae ang pumunta sa kaniya na mayroong dalang alabastrong sisidlan na may lamang napakamahal na likido na purong nardo. Binasag niya ito at ibinuhos ang laman sa kaniyang ulo. 4 Ngunit may ilang nagalit. Nag-usap-usap ang bawat isa at sinabi, "Ano ang dahilan sa pag-aaksayang ito? 5 Ang pabangong ito ay maaaring ipagbili ng higit pa sa tatlong daang denario at maibigay sa mga mahihirap." At sinasaway nila siya. 6 Ngunit sinabi ni Jesus, "Pabayaan ninyo siya. Bakit ninyo siya ginugulo? Ginawa niya ang isang magandang bagay para sa akin. 7 Nasa inyo lagi ang mga mahihirap, at kung gugustuhin ninyo, matutulungan ninyo sila, ngunit hindi ninyo ako laging kasama. 8 Ginawa niya ang kaniyang makakaya, pinahiran niya ang aking katawan para sa paglilibing sa akin. 9 Totoo ang sinasabi ko sa inyo, saanman maihayag ang mabuting balita sa buong mundo, ang ginawa ng babaeng ito ay pag-uusapan bilang alaala sa kaniya." 10 Pagkatapos, pumunta sa mga pangulong pari si Judas Iscariote, isa sa Labindalawa upang ibigay si Jesus sa kanila. 11 Nang marinig ito ng mga punong pari, nasiyahan sila at nangakong bigyan siya ng pera. Nagsimula siyang maghanap ng pagkakataon upang maibigay si Jesus sa kanila. 12 Sa unang araw ng Tinapay na Walang Pampaalsa, nang naghandog sila ng batang tupa alang-alang sa Paskua, sinabi sa kaniya ng kaniyang mga alagad, "Saan mo kami nais pumunta upang maghanda ng hapunan alang-alang sa Paskua?" 13 Ipinadala niya ang dalawa sa kaniyang mga alagad at sinabi sa kanila, "Pumunta kayo sa lungsod, at isang lalaki na may dalang tubig na nakalagay sa pitsel ang sasalubong sa inyo. Sundan ninyo siya. 14 Sundan ninyo siya kung saang bahay siya papasok at sabihin sa may-ari ng bahay na iyon, 'Ipinapatanong ng Guro, "Nasaan ang aking silid na aking kakainan sa Paskua kasama ang aking mga alagad?" ' 15 "Ipapakita niya sa inyo ang isang malaking silid sa itaas na kumpleto ang kagamitan na nakahanda na. Gawin ninyo ang mga paghahanda para sa atin doon." 16 Umalis ang mga alagad at pumunta sa lungsod, natagpuan nila ang lahat gaya ng sinabi ni Jesus sa kanila at inihanda nila ang hapunan alang-alang sa Paskua. 17 Kinagabihan, dumating siya kasama ang Labindalawa. 18 Habang nakasandal sila sa lamesa at kumakain, sinabi ni Jesus, "Totoo, sinasabi ko sa inyo. Isa sa inyo na kasama kong kumakain ang magkakanulo sa akin. 19 Labis silang nalungkot at isa-isang nagtanong sa kaniya, "Siguradong hindi ako, di ba?" 20 Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, "Isa sa Labindalawa, ang kasama kong ngayong nagsasawsaw ng tinapay sa mangkok. 21 Sapagkat tatahakin ng Anak ng Tao ang daan na sinasabi sa kasulatan tungkol sa kaniya. Ngunit aba sa taong magkakanulo sa Anak ng Tao! Mas mabuti pang hindi na siya isinilang." 22 Habang kumakain sila, kinuha ni Jesus ang tinapay, pinagpala at hinati-hati niya ito at ibinigay sa kanila at sinabi, "Kunin ninyo ito. Ito ang aking katawan." 23 Kumuha siya ng tasa, nagpasalamat, ibinigay ito sa kanila at uminom silang lahat mula rito. 24 Sinabi niya sa kanila, "Ito ang aking dugo ng kasunduan, ang dugo na maibubuhos para sa marami. 25 Totoo, sinasabi ko sa inyo, hindi ako muling iinom nitong bunga ng ubas hanggang sa araw na iyon kung kailan ako iinom ng panibago sa kaharian ng Diyos." 26 Pagkatapos nilang umawit ng himno, pumunta sila sa Bundok ng mga Olibo. 27 Sinabi ni Jesus sa kanila, "Iiwanan ninyo akong lahat, sapagkat ito ang nasusulat, 'Papatayin ko ang pastol at magsisikalat ang mga tupa.' 28 Ngunit pagkatapos kong mabuhay muli, mauuna ako sa inyo sa Galilea." 29 Sinabi ni Pedro sa kaniya, "Kahit iwanan kayo ng lahat, hindi kita iiwanan." 30 Sinabi ni Jesus sa kaniya, "Totoo, sinasabi ko ito sa iyo, ngayong gabi, bago tumilaok ang tandang ng dalawang beses, ipagkakaila mo ako ng tatlong beses. 31 Ngunit sinabi ni Pedro, "Kung kailangan kong mamatay kasama mo, hindi kita ipagkakaila." Ganun din ang pangako na sinabi nilang lahat. 32 Dumating sila sa lugar na tinatawag na Getsemani at sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad, "Umupo kayo dito habang ako ay nananalangin." 33 Isinama niya sina Pedro, Santiago at Juan. Nagsimula siyang mabalisa at labis na nabahala. 34 Sinabi niya sa kanila, "Ang aking kaluluwa ay labis na nagdadalamhati, kahit sa kamatayan. Manatili kayo dito at magbantay." 35 Pumunta si Jesus sa di kalayuan, nagpatirapa sa lupa at nanalangin na kung maaari ay lampasan siya ng oras na ito. 36 Sinabi niya, "Abba, Ama, kaya mong gawin ang lahat. Alisin mo ang tasang ito sa akin. Ngunit hindi ang aking kalooban, kundi ang iyong kalooban." 37 Bumalik siya at natagpuan silang natutulog, at sinabi niya kay Pedro, "Simon, natutulog ka ba? Hindi ka ba makapagbantay ng isang oras man lang? 38 Magbantay kayo at manalangin na hindi kayo matukso. Tunay na ang espiritu ay nakahandang sumunod, ngunit mahina ang laman." 39 Muli siyang umalis at nanalangin at kaniyang sinabi ang ganoon ding mga salita. 40 Muli siyang bumalik at nadatnan silang natutulog, sapagkat antok na antok sila at hindi nila alam kung ano ang kanilang sasabihin sa kaniya. 41 Bumalik siya sa pangatlong pagkakataon at sinabi sa kanila, "Natutulog pa rin ba kayo at nagpapahinga? Tama na! Dumating na ang oras. Tingnan ninyo! Ang Anak ng Tao ay ipinagkakanulo sa mga kamay ng mga makasalanan. 42 Bumangon kayo, umalis na tayo. Tingnan ninyo, malapit na ang taong magkakanulo sa akin. 43 Habang nagsasalita si Jesus, kaagad na dumating si Judas, isa sa Labindalawa, at napakaraming tao ang kasama niya na may mga espada at pamalo, mula sila sa mga punong pari, mga eskriba, at mga nakatatanda. 44 Ngayon, nagbigay na ng palatandaan ang magkakanulo sa kaniya, na nagsasabi, "Kung sino man ang hahalikan ko, siya iyon. Hulihin ninyo siya at bantayang mabuti sa pagdala ninyo sa kaniya. 45 Pagdating ni Judas, kaagad niyang pinuntahan si Jesus at sinabi "Rabi!" At kaniyang hinalikan. 46 At siya ay sinunggaban nila at dinakip. 47 Ngunit nagbunot ng kaniyang espada ang isa sa kanila na nakatayo sa malapit at tinaga ang tainga ng lingkod ng pinakapunong pari. 48 Sinabi ni Jesus sa kanila, "Kayo ba ay nagsilabasan na laban sa isang magnanakaw, na may mga espada at pamalo upang dakpin ako?" 49 Nang araw-araw ninyo akong kasama at nagtuturo sa templo, hindi ninyo ako dinakip. Ngunit nangyari ang mga ito upang matupad ang mga kasulatan. 50 Iniwanan si Jesus ng lahat ng kasama niya at nagsitakas sila. 51 Sumunod sa kaniya ang isang binatang nakasuot lamang ng isang linong kasuotan na nakabalot sa kaniya; hinuli nila siya ngunit 52 iniwan niya roon ang linong kasuotan at tinakasan niya sila na nakahubad. 53 Dinala nila si Jesus sa mga pinakapunong pari. Nagkatipun-tipon doon kasama niya ang lahat ng mga punong pari, mga nakatatanda, at mga eskriba. 54 Ngayon sumunod si Pedro sa kaniya mula sa malayo, hanggang sa patyo ng pinakapunong pari. Naupo siya kasama ng mga bantay na malapit sa apoy na nagpapainit. 55 Ngayon ang mga punong pari at ang buong Konseho ay naghahanap ng magpapatotoo laban kay Jesus upang maipapatay nila siya. Ngunit wala silang mahanap. 56 Sapagkat marami ang nagsabi ng maling patotoo laban sa kaniya, ngunit maging ang kanilang patotoo ay hindi nagtugma. 57 Tumayo ang ilan at nagsabi ng maling patotoo laban sa kaniya, sinabi nila, 58 "Narinig namin siyang nagsabi, 'Wawasakin ko ang templong ito na gawa ng mga kamay at sa tatlong araw muli akong magtatayo ng isang hindi gawa ng mga kamay.' " 59 Gayunpaman, hindi nagtugma maging ang kanilang mga patotoo. 60 Tumayo sa kanila ang pinakapunong pari at tinanong si Jesus, "Wala ka bang kasagutan? Ano itong patotoo ng mga tao laban sa iyo?" 61 Ngunit tahimik siya at walang isinagot. Tinanong siyang muli ng pinakapunong pari at sinabi, "Ikaw ba ang Cristo, ang anak ng Pinagpala?" 62 Sinabi ni Jesus, "Ako nga. At makikita ninyo ang Anak ng Tao kapag nakaupo na siya sa bandang kanang kamay ng Kapangyarihan at darating na nasa ulap sa langit." 63 Pinunit ng pinakapunong pari ang kaniyang mga kasuotan at sinabi, "Kailangan pa ba natin ng mga saksi? 64 Narinig ninyo ang kalapastanganan na sinabi niya. Ano ang inyong pasya?" At hinatulan siya nilang lahat bilang isang nararapat sa kamatayan. 65 At sinimulan siyang duraan ng ilan at tinakpan ang kaniyang mukha, hinampas siya at sinabi sa kaniya, "Hulaan mo!" Kinuha siya ng mga opisyal at binugbog siya. 66 Habang si Pedro ay nasa ibaba ng patyo, isa sa mga babaing lingkod ng pinakapunong pari ang pumunta sa kaniya. 67 Nakita niya si Pedro habang nakatayo sa tapat ng apoy na nagpapainit at pinagmasdan niya itong mabuti. Pagkatapos sinabi niya, "Kasama ka rin ng taga-Nazaret na si Jesus." 68 Ngunit itinangggi niya ito at sinabi, "Hindi ko nalalaman o naiintindihan man ang iyong sinasabi." Pagkatapos lumabas siya sa patyo (at tumilaok ang manok). 69 Ngunit nakita siya roon ng babaeng lingkod at muling nagsimulang magsabi sa mga nakatayo roon, "Ang taong ito ay isa sa kanila!" 70 Ngunit muli niya itong itinanggi. Hindi nagtagal sinabi kay Pedro ng mga nakatayo roon, "Siguradong isa ka sa kanila, sapagkat isa ka ring taga-Galilea." 71 Ngunit nagsimula siyang manungayaw at manumpa, "Hindi ko nakikilala ang lalaking sinasabi ninyo." 72 Pagkatapos tumilaok ang tandang ng ikalawang beses. At naalala ni Pedro ang mga salitang sinabi ni Jesus sa kaniya, "Bago tumilaok ang tandang ng dalawang ulit, tatlong beses mo akong itatanggi." At nanlumo siya at tumangis.

Chapter 15

1 Maagang-maaga pa nagtipon-tipon na ang mga punong pari kasama ang mga nakatatanda at mga eskriba, at ang buong Konseho ng Sanedrin. Pagkatapos ay iginapos nila si Jesus at inilabas siya. Ipinasa nila siya kay Pilato. 2 Tinanong siya ni Pilato, "Ikaw ba ang hari ng mga Judio?" Sinagot niya siya, "Kung iyan ang sinasabi mo." 3 Nagpalabas ang mga punong pari ng maraming mga bintang laban kay Jesus. 4 Tinanong siya muli ni Pilato, "Wala ka bang maibibigay na kasagutan? Nakikita mo ba kung ilan ang mga inilalabas nilang mga bintang laban sa iyo?" 5 Ngunit hindi na muling sinagot ni Jesus si Pilato, at dahil doon, namangha siya. 6 Ngayon sa panahon ng pista, kadalasang nagpapalaya si Pilato ng isang bilanggo, isang bilanggong hiniling nila. 7 Doon, sa kulungan kasama sa mga manghihimagsik, kabilang sa mga mamamatay tao na kasapi sa rebelyon, ay isang lalaking nagngangalang Barabas. 8 Pumunta ang maraming tao kay Pilato at nagsimula silang humiling sa kaniya na gawin niya ang ginagawa niya noong mga nakaraang panahon. 9 Sinagot sila ni Pilato at sinabi, "Gusto ba niyong palayain ko sa inyo ang Hari ng mga Judio?" 10 Dahil alam niyang dahil sa inggit ng mga punong pari kay Jesus kung kaya siya ay ipinasa sa kaniya. 11 Ngunit sinulsulan ng mga punong pari ang maraming tao para isigaw na si Barabas ang dapat palayain. 12 Sinagot silang muli ni Pilato at sinabing, "Ano ngayon ang gagawin ko sa Hari ng mga Judio?" 13 Sumigaw silang muli, "Ipako siya sa krus!" 14 Sinabi sa kanila ni Pilato, "Anong kasalanan ang ginawa niya?" Ngunit mas lalo nilang isinigaw, "Ipako siya sa krus." 15 Gusto ni Pilato na malugod ang mga tao kaya pinalaya niya si Barabas sa kanila. Hinampas niya si Jesus at ibinigay siya upang maipako sa krus. 16 Dinala siya ng mga kawal sa loob ng patyo (ng kwartel), at tinawag nila ang buong hukbo ng mga kawal. 17 Nilagyan nila si Jesus ng balabal na kulay lila, at gumawa sila ng isang koronang gawa sa tinik at ipinatong ito sa kaniyang ulo. 18 Nagsimula silang saluduhan siya at sinabi, "Mabuhay, Hari ng mga Judio!" 19 Hinampas nila ang kaniyang ulo ng tambo at dinuraan siya. Nagluhod-luhuran silang nagpakita ng paggalang sa kaniya. 20 Nang matapos nila siyang kutyain, tinanggal nila mula sa kaniya ang balabal na kulay lila at inilagay sa kaniya ang kaniyang mga damit, at pagkatapos inilabas siya upang ipako sa krus. 21 Pinilit nilang tumulong ang isang taong dumaan na galing sa bukid na nagngangalang Simon na taga-Cirene (ang ama ni Alejandro at Rufo); pinilit nila siyang pasanin ang krus ni Jesus. 22 Dinala si Jesus ng mga kawal sa lugar na kung tawagin ay Golgotha (na ang ibig sabihin ay, Lugar ng Bungo). 23 Inalok nila siya ng alak na may halong mira, ngunit hindi niya ito ininom. 24 Ipinako nila siya at pinaghati-hatian ang kaniyang kasuotan sa pamamagitan ng pagsasapalaran upang malaman kung anong parte ng kasuotan ang makukuha ng bawat kawal. 25 Ikatlong oras na nang siya ay ipinako nila. 26 Sinulat nila sa isang karatula ang bintang laban sa kaniya, "Ang Hari ng mga Judio." 27 Kasama niyang ipinako sa krus ang dalawang magnanakaw, isa sa kanan niya, at isa sa kaliwa. 28 (At naisakatuparan ang Kasulatan na nagsasabing: At siya ay ibinilang sa mga suwail.) 29 Ininsulto siya ng mga taong dumaraan, umiiling ang kanilang mga ulo at sinasabi, "Oy! Ikaw na wawasak sa templo at magtatayo muli nito sa loob ng tatlong araw, 30 iligtas mo ang iyong sarili at bumaba ka mula sa krus!" 31 Sa ganoong paraan din ay kinukutya siya ng mga punong pari, kasama ng mga eskriba, at sinabi, "Iniligtas niya ang iba, ngunit hindi niya mailigtas ang kaniyang sarili. 32 Hayaan nating bumaba mula sa krus ang Cristo, ang Hari ng Israel, nang makita natin at mapaniwala tayo." Pati ang mga kasama niyang nakapako sa krus ay nilalait rin siya. 33 Sa ika-anim na oras, nagdilim ang buong lupain hanggang sa ika-siyam na oras. 34 Sa ika-siyam na oras, sumigaw si Jesus ng may malakas na boses, "Eloi, Eloi, lama sabachthani?" na ang ibig sabihin, "Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?" 35 Narinig iyon ng ilan sa mga nakatayo na malapit sa kaniya at sinabing, "Tignan ninyo, tinatawag niya si Elias." 36 May isang tumakbo, naglagay ng maasim na alak sa espongha, inilagay ito sa isang tambong tungkod at ibinigay ito sa kaniya upang inumin. Sinabi ng lalaki, "Tingnan natin kung darating si Elias upang ibaba siya." 37 Pagkatapos ay sumigaw si Jesus ng may malakas na boses at namatay. 38 Napunit sa dalawa ang kurtina ng templo mula itaas hanggang ibaba. 39 At nang makita ng senturion na nakatayo at nakaharap kay Jesus na namatay siya sa ganitong paraan, sinabi niya, "Tunay ngang siya ang Anak ng Diyos." 40 Mayroon ding mga babaing nakatingin sa malayo. Kabilang sa kanila ay sina Maria Magdalena, Maria (ang ina ni Santiago na nakababata at ni Jose), at si Salome. 41 Nang siya ay nasa Galilea sumunod sila sa kaniya at pinaglingkuran siya. Marami ring mga kababaihan ang sumama sa kaniya sa Jerusalem. 42 Nang gumabi na, dahil ito ay araw ng Paghahanda, na ang araw bago ang Araw ng Pamamahinga, 43 pumunta si Jose na taga-Arimatea doon. Isa siya sa mga iginagalang na kasapi ng Konseho na naghihintay sa Kaharian ng Diyos. Naglakas-loob siyang pumunta kay Pilato upang hingin ang katawan ni Jesus. 44 Namangha si Pilato nang malaman niyang patay na si Jesus. Ipinatawag niya ang senturion upang tanungin kung patay na nga si Jesus. 45 Nang malaman niya mula sa senturion na patay na nga siya, ibinigay na niya ang katawan ni Jesus kay Jose. 46 Bumili si Jose ng linong tela. Ibinaba niya siya mula sa krus, ibinalot siya sa linong tela, at ihinimlay siya sa isang libingan na tinapyas mula sa bato. Pagkatapos ay iginulong niya ang isang malaking bato sa pasukan ng libingan. 47 Nakita nila Maria Magdalena at ni Maria na ina ni Jose ang lugar kung saan inilibing si Jesus.

Chapter 16

1 Nang matapos ang Araw ng Pamamahinga, si Maria Magdalena, si Mariang ina ni Santiago, at si Salome ay bumili ng pabango upang makapunta sila at mapahiran ang katawan ni Jesus para sa paglilibing. 2 Maagang-maaga sa unang araw ng linggo, nang sumikat ang araw pumunta sila sa libingan. 3 Sinabi nila sa isa't isa, "Sino ang magpapagulong ng bato ng pasukan ng libingan para sa atin?" 4 Nang tumingin sila sa itaas, nakita nila na mayroon ng nagpagulong ng bato na napakalaki. 5 Pumasok sila sa libingan at nakita nila ang isang binatang nakasuot ng puting balabal, nakaupo sa gawing kanan at namangha sila. 6 Sinabi niya sa kanila, "Huwag kayong matakot. Hinahanap ninyo si Jesus, ang taga-Nazaret na ipinako sa krus. Bumangon na siya! Wala siya rito. Tingnan ninyo kung saan siya inilagay. 7 Ngunit humayo kayo, sabihin ninyo sa kaniyang mga alagad at kay Pedro na mauuna siyang pupunta sa inyo sa Galilea. Doon makikita ninyo siya, gaya ng sinabi niya sa inyo." 8 Lumabas sila at tumakbo mula sa libingan; natakot sila at namangha. Wala silang sinabi sa sinuman dahil matindi ang kanilang takot. 9 Maaga sa unang araw ng linggong iyon, matapos siyang bumangon, una siyang nagpakita kay Maria Magdalena, na mula sa kaniya napalayas niya ang pitong demonyo. 10 Umalis si Maria Magdalena at sinabi sa mga kasama niya, habang nagluluksa sila at umiiyak. 11 Narinig nilang buhay si Jesus at nakita niya ito ngunit hindi sila naniwala. 12 Matapos ng mga pangyayaring ito, nagpakita siya sa kakaibang anyo sa dalawa pang tao, habang naglalakad sila palabas ng bayan. 13 Pumunta sila at nagbalita sa iba pang mga alagad ngunit hindi sila naniwala sa kanila. 14 Sa ibang pagkakataon, nagpakita si Jesus sa labing-isa habang nakasandal sila sa hapag, at sinaway sila dahil sa kanilang kawalan ng pananampalataya at katigasan ng puso, dahil hindi sila naniniwala sa mga nakakita sa kaniya matapos siyang bumangon mula sa mga patay. 15 Sinabi niya sa kanila, "Humayo kayo sa buong mundo at ipangaral ang mabuting balita sa lahat ng nilikha. 16 Ang sumasampalataya at mabautismuhan ay maliligtas at ang hindi naniniwala ay hahatulan. 17 Ang mga palatandaang ito ay tataglayin ng mga sumasampalataya. Sa aking pangalan sila ay magpapalayas ng mga demonyo. Magsasalita sila sa mga bagong wika. 18 Pupulot sila ng mga ahas, at kung iinom sila ng anumang nakamamatay ay hindi sila masasaktan nito. Magpapatong sila ng kamay sa mga may sakit at gagaling sila." 19 Matapos magsalita sa kanila ang Panginoon, iniakyat siya patungo sa langit at naupo sa kanang kamay ng Diyos. 20 Humayo ang mga alagad at nangaral sa lahat ng dako, habang ang Panginoon ay kumikilos kasama nila at pinatunayan ang salita sa pamamagitan ng mga sumunod pang mga kahanga-hangang palatandaan.