Tagalog: Tagalog Unlocked Literal Bible

Updated ? hours ago # views See on DCS Draft Material

Deuteronomio

Chapter 1

1 Ito ang mga salita na sinabi ni Moises sa lahat ng mga Israelita sa ibayo ng Jordan sa ilang, sa patag na lambak ng Ilog Jordan sa tapat ng Suf, sa pagitan ng Paran, Tofel, Laban, Hazerot at Di Zahab. 2 Ito ay labing isang araw na paglalakbay mula sa Horeb sa daanan sa Bundok ng Seir hanggang sa Kades Barnea. 3 Nangyari ito nang ikaapatnapung taon, ng ikalabing isang buwan, sa unang araw ng buwan, na nagsalita si Moises sa bayan ng Israel, sinasabi sa kanila ang lahat ng iniutos sa kaniya ni Yahweh na ukol sa kanila. 4 Ito ay matapos lusubin ni Yahweh si Sihon na hari ng mga Amoreo, na nakatira sa Hesbon at Og na hari ng Bashan, na nakatira sa Astarot at Edrei. 5 Sa ibayo ng Jordan, sa lupain ng Moab, sinimulang ihayag ni Moises ang mga tagubiling ito, na nagsasabing, 6 "Nagsalita sa atin si Yahweh na ating Diyos sa Horeb, na nagsasabing, 'Namuhay na kayo ng sapat na haba sa maburol na bansang ito. 7 Umikot at maglakbay kayo at pumunta sa maburol na bansa ng mga Amoreo at sa lahat ng mga lugar na malapit doon sa patag na lambak ng Ilog Jordan, sa maburol na bansa, sa mababang lupain, sa Negev at sa baybayin—sa lupain ng mga Cananeo, at sa Lebanon hanggang sa malaking ilog ng Eufrates. 8 Masdan ito, inilagay ko ang lupain sa harapan ninyo; pumaroon at angkinin ang lupaing ipinangako ni Yahweh sa inyong mga ama—kay Abraham, kay Isaac, at kay Jacob—para ibigay sa kanila at sa kanilang mga kaapu-apuhang susunod sa kanila.' 9 Nagsalita ako sa inyo nang panahong iyon, na nagsasabing, 'Hindi ko kayang dalhin kayo ng mag-isa. 10 Pinarami kayo ni Yahweh na inyong Diyos, masdan ninyo, sa araw na ito kayo ay gaya ng mga bituin sa langit sa dami. 11 Nawa'y si Yahweh, ang Diyos ng inyong mga ama, ay gawin kayong makalibo pa sa dami ninyo ngayon at pagpalain kayo, gaya ng ipinangako niya sa inyo! 12 Pero paano ko dadalhing mag-isa ang inyong mga pasanin, inyong mga kabigatan at ang inyong mga pagtatalo? 13 Kumuha ng mga lalaking matalino, mapag-unawang mga lalaki at mga lalaking may magandang kalooban mula sa bawat lipi at gagawin ko silang mga pangulo ninyo.' 14 Sinagot ninyo ako at sinabing, 'Ang bagay na iyong sinabi ay mabuti naming gawin.' 15 Kaya kinuha ko ang mga pinuno ng inyong mga lipi, mga matatalinong lalaki at mga lalaking may magandang kalooban at ginawa silang mga pinuno ninyo, mga punong kawal ng libu-libo, mga punong kawal ng daan-daan, mga punong kawal ng lima-limampu, mga punong kawal ng sampu-sampu at mga pinuno, lipi sa lipi. 16 Inutusan ko ang inyong mga hukom nang panahong iyon, na nagsasabing, 'pakinggan ninyo ang mga pagtatalo sa pagitan ng inyong mga kapatid, at hatulan ng matuwid ang pagitan ng isang lalaki at kaniyang kapatid, at ang dayuhang kasama niya. 17 Hindi kayo magpapakita ng pagtatangi sa sinumang nasa isang pagtatalo, maririnig ninyo ng magkatulad ang maliit at malaking bagay. Hindi dapat kayo matakot sa mukha ng tao, dahil ang kahatulan ay sa Diyos. Ang pagtatalo na sobrang mahirap para sa inyo, dadalhin ninyo ito sa akin at pakikinggan ko ito.' 18 Iniutos ko sa inyo ng panahong iyon ang lahat ng mga bagay na dapat ninyong gawin. 19 Naglakbay tayo palayo mula sa Horeb at dumaan sa malawak at kakila-kilabot na ilang na inyong nakita, sa ating daan patungo sa maburol na bansa ng mga Amoreo, gaya ng iniutos ni Yahweh na ating Diyos sa atin; at tayo ay dumating sa Kades Barnea. 20 Sinabi ko sa inyo, 'Narating na ninyo ang maburol na bansa ng mga Amoreo, na ibinibigay sa atin ni Yahweh na ating Diyos. 21 Masdan, itinakda ni Yahweh na inyong Diyos ang lupain sa inyong harapan; umakyat kayo, at angkinin ito, gaya ng sinabi ni Yahweh, ang Diyos ng inyong mga ama, huwag matakot, ni panghinaan ng loob.' 22 Lumapit sa akin sa akin ang bawat isa sa inyo at sinabing, 'Magpadala tayo ng mga lalaki na mauna sa atin, para kanilang siyasatin ang lupaing para sa atin, at ipagbigay alam sa atin ang tungkol sa daan na dapat nating lusubin, at ang tungkol sa mga lungsod kung saan tayo pupunta.' 23 Ang bagay na labis na nagpalugod sa akin; kumuha ako ng labindalawang mga lalaki sa inyo, isang lalaki sa bawat lipi. 24 Umikot at umakyat sila patungo sa maburol na bansa at dumating sa lambak ng Escol at sinuri ito. 25 Kumuha sila ng ilan sa mga bunga ng lupain sa kanilang mga kamay at ibinaba nila ito sa atin. Dinala din nila sa atin ang salita at sinabing, 'Ito ay isang magandang lupain na ibinibigay sa atin ni Yahweh na ating Diyos.' 26 Pero tumanggi parin kayong lumusob, pero nagrebelde laban sa mga utos ni Yahweh na inyong Diyos. 27 Nagreklamo kayo sa inyong mga tolda at sinabing, "Ito ay dahil napopoot sa atin si Yahweh kaya dinala niya tayo palabas sa lupain ng Ehipto, para talunin tayo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng mga Amoreo, at para sirain tayo. 28 Saan tayo maaaring pumunta ngayon? Pinanghinaan tayo ng loob ng ating mga kapatid, na nagsasabing, 'Ang mga taong iyon ay malalaki at matataas kaysa sa atin; ang kanilang mga lungsod ay malaki at pinagtibay hanggang kalangitan; higit pa rito, nakita natin doon ang mga anak na lalaki ng Anakim.' 29 Pagkatapos sinabi ko sa inyo, 'Huwag matakot, ni matakot sa kanila. 30 Si Yahweh na inyong Diyos na nanguna sa inyo, siya ay makikipaglaban para sa inyo, tulad ng lahat ng bagay na ginawa niya sa inyo sa Ehipto sa harap ng inyong mga mata, 31 at gayundin sa ilang, kung saan nakita ninyo kung paano kayo dinala ni Yahweh na inyong Diyos, na gaya ng isang lalaking na daladala ang kaniyang anak, kahit saan kayo pumunta hanggang sa dumating kayo sa lugar na ito.' 32 Pero sa bagay na ito hindi kayo naniwala kay Yahweh na inyong Diyos— 33 na nanguna sa inyo sa daan para maghanap ng mga lugar para itayo ang inyong tolda, at ng apoy sa gabi at ulap sa umaga, para ituro sa inyo ang landas na dapat ninyong daanan. 34 Narinig ni Yahweh ang tinig ng inyong mga salita at ito ay galit, nangako siya at sinabi, 35 'Tunay na walang isa sa mga taong ito ang masamang salinlahing ito na makakakita ng magandang lupain na aking ipinangako na ibibigay sa inyong mga ninuno, 36 maliban kay Caleb na anak na lalaki ni Jefune; makikita niya ito. Sa kanya ko ibibigay ang lupain na kanyang tinungtungan at sa kanyang mga anak, dahil lubos siyang sumunod kay Yahweh.' 37 Gayundin si Yahweh ay galit sa akin para sa inyong mga kapakanan, na nagsasabing, 'Ikaw man ay hindi papasok doon; 38 si Josue na anak na lalaki ni Nun, na nakatayo sa harap mo bilang iyong lingkod, ay siyang makakapasok doon; palakasin ang kaniyang kalooban, sapagkat pamumunuan niya ang Israel at mamanahin ito. 39 Bukod dito, ang inyong mga maliliit na bata, na inyong sinasabing magiging mga biktima, na sa araw na ito ay walang kaalaman sa kung ano ang mabuti at masama—sila ay makakapasok doon. Ibibigay ko ito sa kanila at sila ang aangkin nito. 40 Pero para sa inyo, bumalik at maglakbay kayo sa ilang na patungo sa Dagat ng mga Tambo.' 41 Pagkatapos kayo ay sumagot at sinabi sa akin, 'Nagkasala tayo laban kay Yahweh; aakyat tayo at makipaglaban at susundin natin ang lahat ng iniutos ni Yahweh na ating Diyos.' Bawat lalaki sa inyo ay ilagay ang kaniyang mga sandatang pandigma at tayo'y handa para lusubin ang maburol na bansa. 42 Sinabi sa akin ni Yahweh, 'Sabihin sa kanila, "Huwag lumusob at huwag makipaglaban, dahil hindi ninyo ako makakasama at kayo ay matatalo ng inyong mga kaaway.' 43 Nagsalita ako sa inyo sa ganitong paraan, pero hindi kayo nakinig. Kayo ay sumuway laban sa mga utos ni Yahweh; kayo ay mayabang at nilusob ang maburol na bansa. 44 Pero ang mga Amoreo, na nakatira sa maburol na bansa ay dumating laban sa inyo at hinabol kayo tulad ng mga bubuyog at tinalo kayo sa Seir, hanggang sa Horma. 45 Bumalik kayo at umiyak sa harapan ni Yahweh; pero hindi dininig ni Yahweh ang inyong tinig, ni hindi niya kayo binigyang pansin. 46 Kaya nanirahan kayo ng maraming araw sa Kadesh, ang lahat ng mga araw na kayo ay nanatili doon.

Chapter 2

1 Pagkatapos lumiko kami at naglakbay papunta sa ilang sa daan na patungo sa Dagat ng mga Tambo, gaya ng sinabi ni Yahweh sa akin; umikot tayo sa Bundok ng Seir sa loob ng maraming araw. 2 Nagsalita sa akin si Yahweh, at sinabing, 3 "Kayo ay matagal nang nagpapaikut-ikot sa bundok na ito; pumunta kayo pahilaga. 4 Utusan ang mga tao, sa pagsasabing, "Kayo ay dadaan sa hangganan ng lupain ng inyong mga kapatid, sa mga kaapu-apuhan ni Esau, na naninirahan sa Seir; sila ay matatakot sa inyo. Kaya mag-iingat na 5 huwag kayong makikipag-away sa kanila, dahil hindi ko ibibigay ang anumang lupain nila sa inyo, hindi, ni hindi sapat sa lupa na tumapak ang inyong paa; dahil ibinigay ko ang Bundok ng Seir kay Esau bilang isang pag-aari. 6 Kayo ay bibili sa kanila ng pagkain para sa pera, para kayo ay makakain; bibili rin kayo sa kanila ng tubig para sa pera, para makainom kayo. 7 Dahil pinagpala kayo ni Yahweh na inyong Diyos sa lahat ng gagawin ng inyong kamay; alam niya ang inyong paglalakbay sa malawak na ilang na ito. Dahil sa loob ng apatnapung mga taon na ito si Yahweh na inyong Diyos ay kasama ninyo, at hindi kayo nagkulang sa anumang bagay."' 8 Kaya tayo ay dumaan sa ating mga kapatid, ang mga kaapu-apuhan ni Esau, na naninirahan sa Seir, malayo mula sa daan ng Araba, mula sa Elat at mula sa Ezion Geber. At tayo ay lumiko at dumaan sa ilang ng Moab. 9 Sinabi sa akin ni Yahweh, "Huwag ninyong guguluhin ang Moab, at huwag kayong makikipag-away sa kanila sa labanan. Dahil hindi ko ibibibay ang kaniyang lupain sa inyo para inyong pag-arian, dahil ibinigay ko ang Ar sa mga kaapu-apuhan ni Lot, para sa kanilang pag-aari." 10 (Ang Emim ang dating nanirahan doon, isang lahing kasindakila gaya ng karamihan, at kasintaas gaya ng Anakim; 11 ang mga ito ay itinuring din bilang Refaim, tulad ng Anakim; pero tinawag silang Emim ng mga Moabita. 12 Ang mga taga-Hor ay dati ring naninirahan sa Seir, pero ang mga kaapu-apuhan ni Esau ang pumalit sa kanila. Sila ay pinuksa nila mula sa kanila at nanirahan sa kanilang lugar, gaya ng ginawa ng Israel sa lupain na kaniyang pag-aari na binigay ni Yahweh sa kanila.) 13 "'Ngayon tumayo ka at pumunta sa batis ng Zered,' Kaya nagpunta tayo sa batis ng Zered. 14 Ngayon ang mga araw mula ng dumating tayo sa Kadesh Barnea hanggang tayo ay makatawid sa batis ng Zered, ay tatlumpu't-walong taon. Ito ay ang mga panahon na ang lahat ng salinlahi ng mga kalalakihan na angkop sa pakikipag-digma ay pumanaw mula sa mga tao, gaya ng ipinangako ni Yahweh sa kanila. 15 Higit pa rito, ang kamay ni Yahweh ay laban sa salinlahing iyan para sila ay puksain mula sa mga tao hanggang sila ay mawala. 16 Kaya nangyari ito, nang ang lahat ng mga kalalakihan na akma sa pakikipag-digma ay namatay at nawala mula sa mga tao, 17 na sinabi ni Yahweh sa akin, 18 'Dadaan kayo ngayon sa Ar, ang hangganan ng Moab. 19 Kapag kayo ay papalapit sa kabila ng mga lipi ng Ammon, huwag ninyo silang guguluhin ni huwag kayong makikipag-away sa kanila; dahil hindi ko ibibigay sa inyo ang alinman sa mga lupain ng mga lahi ng Ammon bilang isang pag-aari; dahil ibinigay ko ito sa mga kaapu-apuhan ni Lot bilang isang pag-aari.'" 20 (Itinuring din iyon na maging isang lupain ng Refaim. Ang Refaim ay dating nanirahan doon—pero tinawag sila ng mga Ammonita na Zamzumim— 21 isang dakilang lipi na gaya ng karamihan, at kasintaas ng Anakim. Pero pinuksa sila ni Yahweh sa harap ng mga Ammoneo, at sila ay pinalitan nila at nanirahan sa kanilang lugar. 22 Gaya din ito ng ginawa ni Yahweh para sa bayan ni Esau, na nanirahan sa Seir, nang winasak niya ang mga Horeo mula sa kanila, ang mga kaapu-apuhan ni Esau ang pumalit sa kanila at sila ay nanirahan sa kanilang lugar hanggang ngayon. 23 At ang taga-Awim, na nanirahan sa mga nayon hanggang sa layo ng Gaza—ang taga-Caftor na lumabas sa Caftor, ay winasak sila at nanirahan sa kanilang lugar.) 24 "'Ngayon tumayo kayo, magpatuloy sa inyong paglalakbay, at tumawid sa lambak ng Arnon; tingnan ninyo, ibinigay ko sa inyong kamay si Sihon ang Amoreo, ang hari ng Hesbon, at ang kaniyang lupain. Simulang sakupin ito, at makipaglaban kayo sa kaniya sa labanan. 25 Ngayon uumpisahan kong lagyan ng takot at sindak sa inyo ang mga tao na nasa ilalim ng buong kalangitan; maririnig nila ang mga balita tungkol sa inyo at manginginig at magdadalamhati dahil sa inyo.' 26 Nagpadala ako ng mga mensahero mula sa ilang ng Kedemot kay Sihon, ang hari ng Hesbon, ng may salita ng kapayapaan, na nagsasabing, 27 'Hayaan mo na dumaan ako sa iyong lupain; dadaan ako sa malapad na daan; hindi ako liliko ni hindi sa bandang kanan o sa kaliwa. 28 Magbebenta ka sa akin ng pagkain para sa pera, para ako ay makakain; bigyan mo ako ng tubig para sa pera, para ako ay makainom; paraanin mo lang ako gamit ng aking mga paa; 29 gaya ng ginawa para sa akin ng mga kaapu-apuhan ni Esau na naninirahan sa Seir, at sa mga Moabita na nanirahan sa Ar, hanggang sa ako ay makalagpas sa Jordan sa lupaing ibinibigay sa amin ni Yahweh na ating Diyos.' 30 Pero si Sihon, ang hari ng Hesbon, ay hindi kami hinayaang makalagpas sa kaniya; dahil si Yahweh na inyong Diyos ay pinatigas ang kaniyang isipan at ginawang matigas ang kaniyang puso, na maaari niyang matalo sila sa pamamagitan ng inyong lakas, na ginawa niya sa araw na ito. 31 Sinabi ni Yahweh sa akin, 'Tingnan mo, Sinimulan ko na ibigay si Sihon at ang kaniyang lupain sa inyong harapan; simulan ninyong pag-arian ito, nang sa gayon maari ninyong manahin ang kaniyang lupain.' 32 Pagkatapos nakipaglaban si Sihon sa atin, siya at lahat ng kaniyang mga tao, para makipaglaban sa Jahaz. 33 Si Yahweh na ating Diyos ay ibinigay siya sa atin at tinalo natin siya; hinampas natin siya hanggang sa mamatay, ang kaniyang mga anak na lalaki, at lahat ng kaniyang mamamayan. 34 Kinuha natin ang lahat ng kaniyang mga lungsod nang oras na iyon, at winasak natin ng ganap ang bawat lungsod na pinamumuhayan, kasama ng mga kababaihan at mga batang maliliit, wala tayong itinira. 35 Ang mga baka lamang na ating kinuha bilang samsam para sa ating mga sarili, kasama ng mga sinasamsam sa mga lungsod na ating kinuha. 36 Mula Aroer, na nasa gilid ng lambak ng Arnon, at mula sa lungsod na nasa lambak, patungong Galaad, walang isang lungsod na masyadong mataas para sa atin. Si Yahweh na ating Diyos ang siyang nagbigay sa atin ng tagumpay sa ating mga kalaban. 37 Doon lamang sa lupain ng mga kaapu-apuhan ni Ammon kayo hindi pumunta, pati sa lahat ng mga gilid ng Ilog Jabbok, at mga lungsod ng maburol na bansa—saan man tayo pinagbawalan ni Yahweh na ating Diyos na puntahan.

Chapter 3

1 Pagkatapos umikot tayo at umakyat papuntang Bashan. Si Og, ang hari ng Bashan, ay dumating at sinalakay tayo, siya at ang lahat kaniyang mamamayan, para lumaban sa Edrei. 2 Sinabi ni Yahweh sa akin, 'Huwag mo siyang katakutan; dahil binigyan ko kayo ng tagumpay sa kaniya at inilagay ang lahat ng kaniyang mga tao at kaniyang lupain sa ilalim ng inyong pangangasiwa. Gagawin ninyo sa kaniya ang ginawa ninyo kay Sihon, hari ng mga Amoreo, na namuhay sa Hesbon.' 3 Kaya binigyan din tayo ni Yahweh na ating Diyos ng tagumpay laban kay Og, at ang hari ng Bashan, at inilagay ang lahat ng kaniyang mga tao sa ilalim ng ating pangangasiwa. At pinatay natin siya hanggang walang ni isa sa mga tao niya ang natira. 4 Kinuha natin ang lahat ng kaniyang mga lungsod nang panahong iyon; walang ni isang lungsod ang hindi natin kinuha mula sa kanila: animnapung mga lungsod—lahat ng rehiyon ng Argob, ang kaharian ni Og sa Bashan. 5 Ito ang lahat ng mga lungsod na pinatibay na may matataas na mga pader, mga tarangkahan, at mga rehas; maliban pa dito ang mga napakaraming hindi nababakuran na mga nayon. 6 Ganap natin silang winasak, kagaya ng ginawa natin kay Sihon hari ng Hesbon, ganap nating winasak ang bawat tinirahang lungsod, kasama ng mga babae at mga bata. 7 Pero lahat ng baka at mga sinamsam sa mga lungsod, ay kinuha natin bilang samsam para sa ating mga sarili. 8 Nang panahong iyon kinuha natin ang lupain mula sa kamay ng dalawang hari ng mga Amoreo na nasa ibayo ng Jordan, mula sa lambak ng Arnon hanggang sa Bundok Hermon 9 (ang Bundok Hermon na ang tawag ng mga Sidoneo ay Sirion, at ang mga Amoreo ay tinawag itong Senir); 10 at lahat ng mga lungsod ng kapatagan, buong Galaad, at buong Bashan, hanggang Salca at Edrei, mga lungsod ng kaharian ni Og sa Bashan. 11 (Para sa mga natira sa Refaim, tanging si Og na hari ng Bashan ang naiwan; tumingin kayo, sa kaniyang higaan ay isang higaang bakal; hindi ba ito sa Rabba, kung saan ang mga kaapu-apuhan ni Ammon naninirahan? Siyam na kubito ang haba nito at apat na kubit ang lawak, sa paraan ng pag-sukat ng mga tao.) 12 Ang lupaing ito na ating kinuhang pag-aari nang panahong iyon—mula sa Aroer, na nasa lambak ng Arnon, at kalahati ng burol na bayan ng Galaad, at mga lungsod nito—ibinigay ko sa lipi ni Ruben at sa lipi ni Gad. 13 Ang ibang lupain sa Galaad at lahat ng Bashan, ang kaharian ni Og, ibinigay ko sa kalahati ng lipi ni Manases: lahat ng rehiyon ng Argob, at lahat ng Bashan. (Ang parehong teritoryo ay tinawag na lupain ng Refaim.) 14 Si Jair, kaapu-apuhan ni Manases, ay kinuha ang lahat ng rehiyon ng Argob hanggang sa hangganan ng lipi ng Gesureo at ng lipi ng Maacateo. Tinawag niya ang rehiyon, kahit ang Bashan, sa kaniyang sariling pangalan, Havvot Jair, hanggang sa araw na ito.) 15 Ibinigay ko ang Galaad kay Maquir. 16 Sa mga lipi ni Ruben at sa lipi ni Gad ibinigay ko ang teritoryo mula Galaad sa lambak ng Arnon—ang kalagitnaan ng lambak ay ang hangganan ng teritoryo—at sa Ilog Jabok, na hangganan ng mga kaapu-apuhan ni Ammon. 17 Isa pa sa mga hangganan nito ay ang kapatagan din ng lambak ng Ilog Jordan, mula sa Cineret hanggang sa Dagat ng Araba (iyon ay, ang Dagat Asin), hanggang sa mga matarik na bundok ng Pisga na pasilangan. 18 Inutusan ko kayo nang panahong iyon, na nagsasabing, 'Si Yahweh na inyong Diyos ay ibinigay sa inyo ang lupaing ito para angkinin ito; kayo, lahat ng tao ng digmaan, ay dadaan sa ilalim ng armado sa harapan ng inyong mga kapatid, ang bayan ng Israel. 19 Pero ang inyong mga asawa, mga maliliit na anak, at mga baka (alam ko na mayroon kayong maraming baka), ay mananatili sa lungsod na ibinigay ko sa inyo, 20 hanggang si Yahweh ay magbigay ng kapahingahan sa inyong mga kapatid, gaya ng ginawa niya sa inyo, hanggang sa maging pag-aari na din nila ang lupain na ibibigay sa kanila ni Yahweh na inyong Diyos sa ibayo ng Jordan; pagkatapos ay babalik kayo, bawat isa sa inyo, sa mga sarili ninyong pag-aari na ibinigay ko sa inyo.' 21 Inutusan ko si Josue nang panahong iyon sa pagsasabing, 'Nakita ng inyong mga mata ang lahat ng nagawa ni Yahweh na inyong Diyos sa dalawang haring ito; Gagawin ni Yahweh ang katulad sa lahat ng mga kaharian kung saan kayo pupunta. 22 Hindi ninyo sila katatakutan, dahil si Yahweh na inyong Diyos ang siyang lalaban para sa inyo.' 23 Pinakiusapan ko si Yahweh nang panahong iyon sa pagsasabing, 24 'O Panginoong Yahweh, sinimulan mong ipakita sa iyong lingkod ang iyong kadakilaan at malakas mong kamay; anong diyos ba ang nasa langit o nasa lupa ang makakagawa ng katulad ng mga ginawa mo, at katulad ng matitinding mga gawa? 25 Hayaan mo akong makapunta, nagmamakaawa ako, at makita ang masaganang lupain na nasa ibayo ng Jordan, iyong masaganang burol na bansa, at pati na rin ang Lebanon.' 26 Pero galit sa akin si Yahweh dahil sa inyo; hindi siya nakinig sa akin. Sinabi ni Yahweh sa akin, 'Hayaang maging sapat ito para sa iyo—huwag nang magsalita sa akin tungkol sa bagay na ito: 27 umakyat ka sa itaas ng Pisga at ituon ang iyong mga mata pakanluran, pahilaga, patimog, at pasilangan; tingnan ng iyong mga mata, dahil hindi ka makakapunta sa Jordan. 28 Sa halip, atasan si Josue at palakasin ang loob at palakasin siya, dahil pupunta siya doon kasama ng mga taong ito, at siya ang magdudulot na mamana nila ang lupain na makikita mo.' 29 Kaya nanatili kami sa lambak na kasalungat ng Beth Peor.

Chapter 4

1 Ngayon, Israel, makinig kayo sa mga batas at mga panuntunan na ituturo ko sa inyo, gawin ang mga ito; ng sa gayon maaari kayong mabuhay at makapasok at angkinin ang lupain na ibibigay sa inyo ni Yahweh, ang Diyos ng inyong mga ama. 2 Hindi ninyo dagdagan ang mga salita na iniutos ko sa inyo, ni bawasan ang mga ito, sa gayon maaari ninyong sundin ang tungkol sa mga kautusan ni Yahweh na inyong Diyos na iniutos ko sa inyo 3 Nakita ng inyong mga mata kung ano ang ginawa ni Yahweh dahil sa Baal Peor; dahil lahat ng mga tao na sumunod kay Baal Peor, winasak sila ni Yahweh na inyong Diyos mula sa inyo. 4 Pero kayong kumapit kay Yahweh na inyong Diyos ay buhay sa araw na ito, bawat isa sa inyo. 5 Tingnan ninyo, tinuro ko sa inyo ang mga batas at panuntunan, gaya ng iniutos ni Yahweh na aking Diyos, na dapat ninyong gawin sa kalagitnaan ng lupain kung saan kayo patungo para maangkin ninyo ito. 6 Kaya panatilihin at gawin ang mga ito; dahil ito ay inyong karunungan at inyong kaunawaan sa paningin ng mga tao na makakarinig ng tungkol sa lahat ng mga kautusang ito at sabihin, 'Siguradong itong napakalaking bansa ay isang matalino at may kaunawaang mga tao.' 7 Dahil ano pang napakalaking bansa na mayroong isang diyos na malapit sa kanila, gaya ni Yahweh na ating Diyos na kapag siya ay ating tatawagin? 8 Anong napakalaking bansa na mayroong mga batas at mga panuntunan na napakatuwid gaya ng lahat nitong batas na aking itinatatag sa harapan ninyo sa araw na ito? 9 Bigyang pansin lamang at bantayang maigi ang inyong sarili, nang sa gayon ay hindi ninyo malimutan ang mga bagay na nakita ng inyong mga mata, nang sa gayon hindi mawala sa inyong puso ang mga ito sa bawat araw ng inyong buhay. Sa halip, ipaalam ang mga ito sa inyong mga anak at sa kanilang magiging mga anak— 10 sa araw na kayo ay tumayo sa harapan ni Yahweh na inyong Diyos sa Horeb, nang sinabi sa akin ni Yahweh, 'Tipunin mo ang mamamayan, at ipaparinig ko sa kanila ang aking mga salita, na maaaring nilang matutunang matakot sa akin sa lahat ng mga araw na sila ay nabubuhay sa mundo, at nang ito ay maaari nilang ituro sa kanilang mga anak.' 11 Lumapit kayo at tumayo sa paanan ng bundok. Ang bundok ay nagniningas sa apoy hanggang sa puso ng langit, na may kadiliman, ulap, at makapal na kadiliman. 12 Nagsalita si Yahweh sa inyo sa kalagitnaan ng apoy; narinig ninyo ang kaniyang boses na may mga salita, pero wala kayong nakitang anyo; boses lamang ang narining ninyo. 13 Ipinahayag niya sa inyo ang kaniyang tipan na kaniyang iniutos sa inyo na inyong gampanan, ang Sampung Utos. Sinulat niya ang mga ito sa dalawang tipak na bato. 14 Inutos sa akin ni Yahweh nang panahong iyon para ituro sa inyo ang mga batas at mga ordenansa, para maaari niyong magawa ito sa lupain kung saan kayo pupunta para angkinin ito. 15 Kaya maging maingat sa inyong mga sarili, dahil wala kayong nakitang anumang anyo nang araw na iyon na nagsalita si Yahweh sa Horeb sa kalagitnaan ng apoy. 16 Mag-ingat na huwag pasamain ang inyong mga sarili at gumawa ng isang inukit na anyo na kahawig ng anumang nilalang, na anyo ng isang lalaki o isang babae, 17 o ang kahawig ng anumang hayop na nasa ibabaw ng lupa, o ang kahawig ng anumang ibong may pakpak na lumilipad sa kalangitan, 18 o ang kahawig sa anumang bagay na gumagapang sa ibabaw ng lupa, o ang kahawig ng anumang isda na nasa tubig sa ilalim ng mundo. 19 Maging maingat kayo kapag titingala kayo sa kalangitan at titingnan sa araw, buwan, o mga bituin—lahat ng mga hukbo sa kalangitan— maging maingat kayo na hindi mapalayo para sumamba at pakamahalin ang mga ito—ang mga bagay na iyon na itinalaga ni Yahweh na inyong Diyos doon para sa lahat ng mga tao na nasa ilalim ng buong himpapawid. 20 Pero kinuha kayo ni Yahweh at dinala kayo palabas sa pugon na bakal, palabas ng Ehipto, para maging mga tao niya sa kaniyang sariling pamana, gaya ninyo sa araw na ito. 21 Bukod pa dito, galit sa akin si Yahweh dahil sa inyo; nangako siyang hindi ako makapunta sa ibayo ng Jordan, at hindi ako dapat pumunta sa loob ng masaganang lupaing iyon, ang lupain na ibinibigay ni Yahweh na inyong Diyos sa inyo bilang isang pamana. 22 Sa halip, dapat akong mamatay sa lupaing ito; Hindi dapat ako pumunta sa ibayo ng Jordan; pero kayo ay makakapunta at maaangkin ang masaganang lupaing iyon. 23 Bigyan ninyo ng pansin ang inyong mga sarili, nang sa gayon hindi ninyo makalimutan ang tipan ni Yahweh na inyong Diyos, na ginawa niya sa inyo, at ang pagggawa ng diyus-diyosan sa anyo ng anumang bagay na ipinagbabawal ni Yahweh na inyong Diyos na inyong gawin. 24 Dahil si Yahweh na inyong Diyos ay isang apoy na lumalamon, isang selosong Diyos. 25 Kapag kayo ay nagkaanak at ang mga anak ng inyong mga anak, at kapag kayo ay naroon na sa lupain sa mahabang panahon, at kung naging masama kayo at gumawa ng isang inukit na hugis sa anyo ng anumang bagay, at gumawa ng kung ano ang masama sa paningin ni Yahweh na inyong Diyos, para galitin siya— 26 tatawagin ko ang langit at lupa para maging saksi laban sa inyo sa araw na ito para kayo ay mamamatay sa madaling panahon mula sa lupain na inyong pupuntahan sa ibayo ng Jordan para angkinin; Hindi ninyo mapapahaba ang inyong mga araw sa loob nito, pero kayo ay ganap niyang wawasakin. 27 Ikakalat kayo ni Yahweh sa mga tao, at magiging kunti na lamang ang matitira sainyo sa mga bansa, kung saan si Yahweh ay pangungunahan kayo papalayo. 28 Doon kayo ay maglilingkod sa ibang mga diyos, ang gawa ng mga kamay ng tao, kahoy at bato, kung saan alinma'y hindi nakakakita, nakakarinig, nakakakain, ni nakakaamoy. 29 Pero mula doon hahanapin ninyo si Yahweh na inyong Diyos, at matatagpuan ninyo siya, kapag hinanap ninyo siya ng inyong buong puso at ng inyong buong kaluluwa. 30 Kapag kayo ay nababalisa, at kapag ang lahat ng mga bagay na ito ay dumating sa inyo, sa mga darating na araw na iyon kayo ay babalik kay Yahweh na inyong Diyos at makinig sa kaniyang boses. 31 Dahil si Yahweh na inyong Diyos ay isang maawaing Diyos; hindi niya kayo bibiguin ni wawasakin, ni hindi kakalimutan ang tipan ng inyong mga ama na ipinangako niya sa kanila. 32 Itanong ngayon ang tungkol sa mga araw na nakaraan, na nauna sa inyo: mula noong araw na nilikha ng Diyos ang tao sa lupa, at mula sa dulo ng langit patungo sa kabila, itanong kung nagkaroon na ba ng anumang bagay na katulad nitong napakalaking bagay, o mayroong bang bagay tulad nito ang narinig? 33 Narinig na ba ng mga tao ang boses ng Diyos na nagsasalita mula sa kalagitnaan ng apoy, na gaya ng narinig ninyo, at nanatiling buhay? 34 O ang Diyos ba ay tinangkang pumunta at kunin ang isang bansa mula sa kalagitnaan ng ibang bansa, sa pamamagitan ng mga pagsubok, sa pamamagitan ng mga tanda, at sa pamamagitan ng mga kababalaghan, at sa pamamagitan ng digmaan, at sa pamamagitan ng isang napakalakas na kamay, at sa pamamagitan ng sa isang pagpapakita ng dakilang kapangyarihan, at sa pamamagitan ng matinding mga pananakot, gaya ng lahat ng ginawa ni Yahweh na inyong Diyos para sa inyo sa Ehipto sa harapan ng inyong mga mata? 35 Sa inyo ipinakita ang mga bagay na ito, para malaman ninyo na si Yahweh ay Diyos, at walang iba pa maliban sa kaniya. 36 Mula sa langit ginawa niyang iparinig ang kaniyang boses, nang sa gayon ay maaari niya kayong turuan; sa mundo ginawa niyang makita ninyo ang kaniyang malaking apoy; narinig ninyo ang kaniyang mga salita sa kalagitnaan ng apoy. 37 Dahil minahal niya ang inyong mga ama, pinili niya ang kanilang kaapu-apuhang kasunod nila, at dinala kayo palabas ng Ehipto kasama ng kaniyang presenya, kasama ng kaniyang dakilang kapangyarihan; 38 para mapapaalis kayo mula sa harapan ng mga bansa na mas malaki at mas malakas kaysa sa inyo, para dalhin kayo, para ibigay sa inyo ang kanilang lupain bilang isang pamana, gaya sa araw na ito. 39 Kaya alamin sa araw na ito, at ilagay ito sa inyong puso, na si Yahweh ay Diyos sa ibabaw ng langit at sa ilalim ng lupa; walang iba pa. 40 Susundin ninyo ang kaniyang mga batas at ang kaniyang mga kautusan na aking iniutos sa araw na ito, para makabuti sa inyo at sa inyong mga anak kasunod ninyo, at nang mapahaba ninyo ang inyong mga araw sa lupain na ibibigay ni Yahweh magpakailanman." 41 Pagkatapos tatlong mga lungsod sa silangang bahagi ng Jordan ang pinili ni Moises, 42 Para makatakas ang sinuman sa isa sa mga iyon kung siya ay nakapatay ng ibang tao ng hindi sinasadya, na hindi niya naging dating kaaway. Sa pagtakas sa isa sa mga lungsod nito, siya ay maaaring makaligtas. 43 Ito ay: Bezer sa ilang, bansang patag, para sa lipi ni Ruben; Ramot sa Galaad, para sa lipi ni Gad; Golan sa Basan, para sa lipi ni Manases. 44 Ito ang batas na inilagay ni Moises sa harapan ng mga Israelita; 45 ito ang mga tipan ng mga panuntunan, mga batas, at ibang mga panuntunan na kaniyang sinabi sa mga tao sa Israel nang sila ay nakalabas sa Ehipto, 46 nang sila ay nasa silangan ng Jordan, sa lambak sa kabila ng Beth Peor, sa lupain ng Sihon, hari ng mga Amoreo, na nanirahan sa Hesbon, na tinalo ni Moises at ng mga Israelita nang sila ay lumabas sa Ehipto. 47 Kinuha nila ang kaniyang lupain bilang isang pag-aari, at ang lupain ni Og hari ng Bashan— ang mga ito, ang dalawang hari sa mga Amoreo, na nasa lampas ng Jordan patungong silangan. 48 Itong kalupaan ay nagsimula sa Aroer, sa dulo ng lambak ng Arnon, tungo sa Bundok Sion (o Bundok Hermon), 49 at kasali ang lahat ng kapatagan ng Ilog lambak Jordan, patungong silangan lampas ng Jordan, sa Dagat ng Araba, sa gulod ng Bundok Pisga.

Chapter 5

1 Tinawag ni Moises ang lahat ng Israelita at sinabihan sila, "Makinig sa akin, Israel, sa mga batas at mga kautusan na aking sasabihin sa inyong mga tainga ngayon, para pag-aralan at panatilihin ito. 2 Gumawa si Yahweh na ating Diyos ng isang tipan sa atin sa Horeb. 3 Hindi ginawa ni Yahweh ang tipan na ito para sa ating mga ninuno, pero para sa atin, sa ating lahat na nabubuhay dito ngayon. 4 Nagsalita si Yahweh sa inyong harapan sa ibabaw ng bundok mula sa gitna ng apoy 5 (Tumayo ako sa pagitan ni Yahweh at sa inyo ng panahong iyon, para ihayag sa inyo ang kaniyang salita; dahil takot kayo dahil sa apoy, at hindi kayo umakyat sa bundok). Sinabi ni Yahweh, 6 'Ako si Yahweh na inyong Diyos, ang siyang nagdala sa inyo palabas sa lupain ng Ehipto, mula sa bahay ng pagkakaalipin. 7 Hindi dapat kayo magkaroon ng ibang mga diyos sa aking harapan. 8 Huwag kayong gumawa ng isang inukit na larawan para sa inyong sarili na kahintulad ng anumang bagay na nasa ibabaw ng langit, o na nasa ilalim ng mundo, o nasa ilalim ng tubig. 9 Huwag kayong yuyukod sa kanila o paglingkuran sila, sapagkat ako, si Yahweh, na inyong Diyos, ako ang isang Diyos na mapanibughuin. Parurusahan ko ang kasamaan ng mga ninuno sa pamamagitan ng pagdadala ng kaparusahan sa mga anak, hanggang sa ikatlo at ikaapat na salinlahi ng mga yaong napupuot sa akin, 10 at pinapakita ang tipan ng katapatan sa mga libu-libo sa kanila na siyang nagmamahal sa akin at sumusunod sa aking mga utos. 11 Huwag ninyong gamitin ang pangalan ni Yahweh na inyong Diyos sa walang kabuluhan, sapagkat hindi siya ituturing ni Yahweh na walang kasalanan na gumagamit sa kaniyang pangalan sa walang kabuluhan. 12 Sundin ang Araw ng Pamamahinga para mapanatili itong banal, bilang utos ni Yahweh sa inyo. 13 Para sa anim na araw magtatrabaho kayo at gawin lahat ang inyong trabaho; 14 pero ang ikapitong araw ay ang Araw ng Pamamahinga para kay Yahweh na inyong Diyos. Sa araw na ito hindi na kayo gagawa ng anumang trabaho, ikaw, ni inyong anak na lalaki, ni inyong anak na babae, ni inyong lalaking tagapaglingkod, ni inyong babaeng tagapaglingkod, ni inyong baka, ni inyong asno, ni alinman sa inyong kawan, ni sino mang dayuhan na nasa loob ng mga tarangkahan. Para ang iyong lalaking tagapaglingkod at babaeng tagapaglingkod ay maaaring makapagpahinga ganoon din kayo. 15 Isasaisip ninyo na kayo ay naging isang lingkod sa lupain ng Ehipto, at si Yahweh na inyong Diyos ang nagdala sa inyo palabas mula doon sa pamamagitan ng isang malakas na kamay at sa pamamagitan ng pagpapakita ng kapangyarihan. Kaya si Yahweh na inyong Diyos ang nagutos sa inyo na sundin ang Araw ng Pamamahinga. 16 Igalang ang inyong ama at inyong ina, ayon sa iniutos ni Yahweh na inyong Diyos na gawin ninyo, para mabuhay kayo ng mahabang panahon sa lupain na ibibigay ni Yahweh na inyong Diyos, at para maging maayos ito para sa inyo. 17 Huwag kayong papatay. 18 Huwag kayong mangangalunya. 19 Huwag kayong magnakaw. 20 Huwag mabigay ng maling testigo laban sa inyong kapit-bahay. 21 Huwag ninyong pagnasaan ang asawa ng inyong kapit-bahay, huwag ninyong pagnasaan ang bahay ng inyong kapit-bahay, kaniyang bukid, o kaniyang lalaking tagapaglingkod, o kaniyang babaeng tagapaglingkod, kaniyang baka, o kaniyang asno, o anumang bagay na pag-aari ng inyong kapit-bahay.' 22 Sinabi ni Yahweh ang mga salitang ito sa isang napakalakas na boses sa buong kapulungan ninyo sa ibabaw ng bundok mula sa gitna ng apoy, ng ulap, at sa makapal na kadiliman; hindi na siya dumagdag ng anumang mga salita. At sinulat niya sa dalawang tipak na bato at ibinigay ang mga ito sa akin. 23 Nangyari ito, nang marinig ninyo ang boses mula sa gitna ng kadiliman, habang nasusunog ang bundok, dumating kayo sa akin—lahat ng iyong mga nakatatanda at ang mga pinuno ng inyong mga lipi. 24 Sinabi niya, 'Tingnan mo, ipinakita ni Yahweh na ating Diyos sa atin ang kanyang kaluwalhatian at kaniyang kadakilaan, at ating napakinggan ang kaniyang boses mula sa gitna ng apoy; nakita natin ngayon na nagsasalita ang Diyos kasama ang mga tao, at maaari silang mabuhay. 25 Pero bakit kailangan naming mamatay? Sapagkat itong dakilang apoy ang tutupok sa atin; kapag narinig natin ang boses ni Yahweh na ating Diyos nang matagal, mamamatay tayong lahat. 26 Sino pa bang tao maliban sa atin ang nakarinig sa boses ng Diyos na buhay na nagsasalita sa gitna ng apoy at nabuhay, katulad sa ginawa namin? 27 Para sa iyo, kailangan mong umalis at makinig sa lahat ng bagay na sasabihin ni Yahweh na ating Diyos; sabihing muli sa amin ang lahat ng bagay na sinabi ni Yahweh; makikinig kami at susundin ito.' 28 Narinig ni Yahweh ang inyong boses nang mangusap kayo sa akin. Sinabi niya sa akin, 'Narinig ko ang mga salita ng mga taong ito, kung ano ang kanilang sinabi sa iyo. Mabuti ang sinabi nila sa iyo. 29 O, na ipagpatuloy nawa nila ang ganitong puso na nasa kanila, na parangalan nila ako at patuloy na sundin ang aking mga utos, nawa ay makabuti ito para sa kanila at sa kanilang mga anak magpakailanman! 30 Humayo ka at sabihin sa kanila, "Bumalik kayo sa inyong mga tolda." 31 Pero para sa iyo, tumayo ka dito sa aking tabi, at sasabihin ko sa iyo ang lahat ng mga utos, ang mga batas, at ang mga panuntunan na ituturo mo sa kanila, para kanilang sundin ang mga ito sa lupain na ibibigay ko sa kanila para ariin.' 32 Kaya, susundin ninyo, kung ano ang iniutos ni Yahweh na inyong Diyos; huwag kayong liliko sa kanang kamay o sa kaliwa. 33 Maglalakad kayo sa lahat ng kaparaanan na iniutos ni Yahweh na inyong Diyos sa inyo, para mabuhay kayo, at para makabuti ito para sa inyo, at nang sa ganoon hahaba ang inyong mga araw sa lupain na inyong aariin.

Chapter 6

1 Ngayon ito ang mga utos, mga batas, at mga panuntunan na iniutos sa akin ni Yahweh na inyong Diyos para ituro sa inyo, para sundin ninyo ang mga ito sa lupain na inyong pupuntahan sa Jordan para angkinin; 2 para maparangalan ninyo si Yahweh na inyong Diyos, para sundin ang lahat ng kaniyang mga batas at mga utos na ipinapagawa ko sa inyo—kayo, inyong mga anak na lalaki, at anak na lalaki ng inyong mga anak, sa lahat ng mga araw ng inyong mga buhay, para ang inyong mga araw ay humaba. 3 Kaya, makinig sa mga ito, Israel, at sundin, para makabuti ito sa inyo, para kayo ay labis na dumami, sa lupain na dinadaluyan ng gatas at pulot, gaya ng ipinangako ni Yahweh, ang Diyos ng inyong mga ama, na gagawin sa inyo. 4 Makinig kayo, Israel: Si Yahweh na ating Diyos ay iisa. 5 Mahalin ninyo si Yahweh na inyong Diyos ng inyong buong puso, ng inyong buong kaluluwa, at sa buo ninyong kalakasan. 6 Ang mga salita na aking iniutos sa inyo ngayon ay nasa inyong puso; 7 at matiyaga ninyong ituturo ang mga ito sa inyong mga anak; pag-uusapan ninyo ang mga ito kung kayo ay nakaupo sa inyong bahay, kapag naglalakad kayo sa daan, kapag kayo ay nakahiga, at kapag kayo ay babangon. 8 Itali ninyo ang mga ito bilang isang palatandaan sa inyong kamay, at magsisilbi ang mga ito bilang gasa sa pagitan ng inyong mga mata. 9 Isusulat ninyo ang mga ito sa mga haligi ng pintuan ng inyong bahay at sa inyong mga tarangkahan. 10 Kapag dadalhin kayo ni Yahweh na inyong Diyos doon sa lupaing ipinangako niya sa inyong mga ama, kay Abraham, kay Isaac, at kay Jacob, ibibigay niya sa inyo, ang malawak at ang mga napakagandang lungsod na hindi ninyo itinayo, 11 at mga bahay na puno sa lahat ng uri ng mabubuting mga bagay na hindi mo ginawa, mga balon na hindi ninyo hinukay, at mga ubasan at kahoy ng mga olibo na hindi ninyo itinanim, makakakain kayo at masisiyahan— 12 pagkatapos mag-ingat para hindi ninyo malimutan si Yahweh, na siyang nagdala sa inyo palabas sa lupain ng Ehipto, mula sa bahay ng pagkaalipin. 13 Pararangalan ninyo si Yahweh na inyong Diyos; sasambahin ninyo siya, at mangangako kayo ayon sa kaniyang pangalan. 14 Hindi kayo susunod sa ibang mga diyos, ang mga diyos ng mga taong nakapaligid sa inyo— 15 dahil si Yahweh na nasa kalagitnaan ninyo ay isang mapanibughuing Diyos —baka ang galit ni Yahweh na inyong Diyos ay magpaningas laban sa inyo at wasakin kayo mula sa ibabaw ng mundo. 16 Huwag ninyong subukin si Yahweh na inyong Diyos kagaya ng pagsubok ninyo sa kaniya sa Masa. 17 Matiyaga ninyong susundin ang mga utos ni Yahweh na inyong Diyos, kaniyang mataimtim na mga utos, at kaniyang mga batas, na kaniyang iniutos sa inyo. 18 Gagawin ninyo kung ano ang tama at mabuti sa paningin ni Yahweh, para makabuti ito sa inyo, para inyong mapasok at angkinin ang mabuting lupain na ipinangako ni Yahweh sa inyong mga ama, 19 palayasin ang lahat ng inyong mga kaaway na nasa inyong harapan, gaya ng sinabi ni Yahweh. 20 Kung tatanungin kayo ng inyong mga anak pagdating ng panahon, sa pagsasabing, 'Anong ibig sabihin sa mga bagay na ito—ang tipan ng mga kautusan, ang mga batas, at ang ibang mga kautusan na iniutos ni Yahweh na ating Diyos?' 21 pagkatapos sasabihin ninyo sa inyong mga anak, 'Kami ay naging mga alipin ng Paraon sa Ehipto; dinala kami ni Yahweh palabas sa Ehipto sa pamamagitan ng makapangyarihang kamay, 22 at nagpakita siya ng mga tanda at kamangha-manghang bagay, dakila at malubha, sa Ehipto, kay Paraon, at sa kaniyang buong sambahayan, sa harap ng ating mga mata; 23 at dinala niya tayo palabas mula roon, para madala niya tayo sa loob, para ibigay sa atin ang lupain na kaniyang ipinangako sa ating mga ama. 24 Inutusan tayo ni Yahweh na palaging sundin ang lahat ng mga batas na ito, na matakot sa kaniya na ating Diyos para sa ating kabutihan, para mapanatili niya tayong buhay, tulad ngayon. 25 Kung ating susundin ang lahat ng mga utos na ito sa harapan ni Yahweh na ating Diyos, ayon sa mga iniutos sa atin, ito ay magiging katuwiran natin.'

Chapter 7

1 Kapag dinala kayo ni Yahweh na inyong Diyos sa lupain na inyong pupuntahan para angkinin at paalisin ang maraming mga bansa sa inyong harapan - ang mga anak ni Heth, ang mga Gergeseo, ang mga Amoreo, ang mga Canaaneo, ang mga Perezeo, ang mga Heveo at ang mga Jebuseo-pitong bansang lalong malaki at malalakas kaysa sa inyo; 2 at kapag bibigyan kayo ni Yahweh na inyong Diyos ng katagumpayan sa kanila kapag nakita ninyo sila sa digmaan, dapat ninyo silang salakayin, pagkatapos dapat ganap ninyo sila wasakin. Hindi kayo gagawa ng tipan sa kanila, ni magpakita ng awa sa kanila. 3 Ni naisin ninyo na makipag-ayos ng kasal sa kanila; hindi ninyo ibibigay ang inyong mga anak na mga babae sa kanilang mga anak na lalaki, at hindi ninyo kukunin ang kanilang mga anak na babae para sa inyong mga anak na lalaki. 4 Dahil ilalayo nila ang inyong mga anak na lalaki mula sa pagsunod sa akin, para sambahin nila ang ibang mga diyos. Kaya ang galit ni Yahweh ay magsisiklab laban sa inyo at wawasakin niya kayo agad. 5 Ganito kayo makikipagkasundo sa kanila: Sisirain ninyo ang kanilang mga altar, pagputul-putulin ang kanilang sagradong poste ng pira-piraso, ibagsak ang kanilang mga posteng Asera at sunugin ang kanilang hinulmang mga diyus-diyosan. 6 Dahil kayo ang isang bansa na hiniwalay ni Yahweh na inyong Diyos. Pinili niya kayo para maging isang lahi para sa kaniya para angkinin, higit pa sa lahat na mukha ng ibabaw ng lupa. 7 Hindi itinakda ni Yahweh ang pagmamahal niya sa inyo o pinili niya kayo dahil mas marami ang bilang ninyo kaysa sinuman sa mga tao- dahil kayo ang pinaka-konti sa lahat— 8 pero dahil minamahal niya kayo at ninais niya na manatili ang pangako niya sa inyong mga ama. Ito ang dahilan kung bakit si Yahweh ay inilabas kayo sa isang makapangyarihang kamay at itinubos kayo palabas sa bahay ng pagkakaalipin, mula sa kamay ng Paraon, hari ng Ehipto. 9 Kaya kilalanin si Yahweh na inyong Diyos— siya ay Diyos, ang tapat na Diyos, na nagpapanatili ng mga tipan at katapatan sa isang libong salinlahi sa mga nagmamahal sa kaniya at nagpapanatili ng kaniyang mga utos, 10 pero pagbabayarin silang mga nagagalit sa kaniya sa kanilang harapan, para wasakin sila; hindi siya magiging maawain sa sinumang galit sa kaniya; gagantihan niya sila sa harapan niya. 11 Kaya susundin ninyo ang kaniyang mga utos, ang mga batas, at ang mga kautusan na inuutos ko sa inyo sa araw na ito, para gawin ninyo ang mga ito. 12 Kung pakikinggan ninyo mga kautusang ito at susundin at gawin ang mga ito, pananatilihin ni Yahweh na inyong Diyos ang kaniyang tipan sa inyo at ang katapatan na ipinangako niya sa inyong mga ama. 13 Mamahalin, pagpapalain, at pararamihin niya kayo; pagpapalain niya rin ang bunga ng inyong mga katawan at bunga ng inyong lupain, inyong butil, inyong bagong alak, at ang inyong langis, ang pagpaparami ng inyong mga baka at ang inyong mga batang kawan, sa lupain na ipinangako niya sa inyong mga ama na ibibigay niya sa inyo. 14 Pagpapalain kayo ng higit pa sa lahat ng iba mga tao; Wala isa mang lalaki na walang anak o isang baog na babae sa inyo o sa inyong mga hayop. 15 Tatanggalin ni Yahweh ang lahat ng sakit; walang masasamang mga sakit na mula sa Ehipto ang mailalagay niya sa inyo, pero ilalagay niya ito sa kanila na galit sa inyo. 16 Uubusin ninyo ang lahat ng mga lahi na binigay ni Yahweh na inyong Diyos na mapagtagumpayan, at sa inyong mata hindi ninyo sila kakaawaan. At hindi ninyo sasambahin ang kanilang mga diyos, dahil iyon ay magiging isang bitag sa inyo. 17 Kung sasabihin ninyo sa inyong puso, 'Itong mga bansa ay mas marami kaysa sa akin, papaano ko sila maaaring tatalunin?'— 18 huwag kayong matakot sa kanila; alalahanin ninyo sa inyong isipan kung ano ang ginawa ni Yahweh na inyong Diyos kay Paraon at sa buong Ehipto; 19 ang mga matinding paghihirap na nakita ng inyong mga mata, ang mga palatandaan, ang mga kababalaghan, ang kamay na makapangyarihan, at ang pagpapakita ng kapangyarihan sa pamamagitan ni Yahweh sa pamamagitan ng pagpapalabas sa inyo. Gagawin ulit ni Yahweh na inyong Diyos sa lahat ng mga taong kinakatakutan ninyo. 20 Bukod pa dito, si Yahweh na inyong Diyos ay magpapadala ng putakti sa kanila hanggang sa sinumang maiwan at kung sino sa kanila ang nagtatago ay masasawi mula sa inyong presensya. 21 Huwag ninyo silang katakutan sapagkat si Yahweh ay kasama ninyo, isang dakila at kinakatakutang Diyos. 22 Si Yahweh na inyong Diyos ay aalisin ang mga bansa sa harapan ninyo ng unti-unti. Hindi ninyo matatalo silang lahat ng mabilisan, o ang mga mabangis na mga hayop na lalong darami sa palibot ninyo. 23 Pero si Yahweh na inyong Diyos ay bibigyan kayo ng katagumpayan kapag nakita ninyo sila sa labanan; labis niya sila lilinlangin hanggang sila ay mawasak. 24 Ilalagay niya ang kanilang mga hari sa ilalim ng inyong kapangyarihan, at buburahin ang kanilang pangalan mula sa ilalim ng langit. Walang sinuman ang maaaring tumayo sa harapan ninyo, hanggang sa mawasak ninyo sila. 25 Susunugin ninyo ang mga inukit na hugis ng kanilang diyos; huwag ninyong naisin ang pilak o ginto na nakabalot dito na gusto ninyong makuha para sa inyong sarili, at mabibitag kayo sa pamamagitan nito; dahil kamuhi-muhi ito kay Yahweh na inyong Diyos. 26 Wala kayong dadalhin na anumang nakakasuklam na bagay sa loob ng inyong bahay at simulang sambahin ito. Tiyak na kamumuhian at kasusuklaman ninyo ito, dahil ito ay inihiwalay para wasakin.

Chapter 8

1 Dapat ninyong sundin ang lahat ng mga utos na ibibigay ko sa inyo ngayon, para mabuhay kayo at lumago, at pasukin at ariin ang lupain na ipinangako ni Yahweh sa inyong mga ama. 2 Isasa-isip ninyo ang lahat ng mga kaparaanan ni Yahweh na inyong Diyos na nagdala sa inyo ng apatnapung taon sa ilang, para kayo ay ibaba niya, para subukin niya kayo para malaman kung ano ang nasa inyong puso, kung susundin ninyo ang kaniyang mga utos o hindi. 3 Ibinaba niya kayo, at ginutom, at pinakain kayo ng manna, na hindi ninyo alam kung ano, ni ng inyong mga ninuno, ni ng inyong mga ama. Ginawa niya ang mga iyon para malaman ninyo na ang mga tao ay hindi lamang nabubuhay sa tinapay, kung hindi, ito ay sa pamamagitan ng bawat salita na nagmumula sa bibig ni Yahweh kaya nabubuhay ang mga tao. 4 Ang inyong kasuotan ay hindi naluluma sa inyo, at hindi namaga ang inyong mga paa sa loob ng apatnapung taong iyon. 5 Pag-isipan ninyo sa inyong puso, kung paano, bilang isang amang tinutuwid ang kaniyang anak, kaya tinutuwid kayo ni Yahweh na inyong Diyos. 6 Susundin ninyo ang mga utos ni Yahweh na inyong Diyos, para kayo ay lumakad sa kaniyang mga pamamaraan at parangalan siya. 7 Dahil dadalhin kayo ni Yahweh na inyong Diyos sa mabuting lupain, isang lupain ng mga batis ng tubig, ng mga bukal at mga talon, na umaagos sa mga lambak at sa mga burol; 8 isang lupain ng trigo at sebada, ng mga puno ng ubas, mga puno ng igos, at mga granada; isang lupain ng mga punong olibo at pulot. 9 Ito ay isang lupain kung saan makakakain kayo ng tinapay nang hindi nagkukulang, at kung saan walang magkukulang sa inyo; isang lupain na ang mga bato ay gawa sa bakal, at mula sa kaniyang mga burol maaari kayong makahukay ng tanso. 10 Makakakain kayo at mabubusog, at pagpapalain ninyo si Yahweh na inyong Diyos dahil sa mabuting lupain na ibinigay niya sa inyo. 11 Maging maingat na hindi ninyo makalimutan si Yahweh na inyong Diyos, at para hindi ninyo ipagwalang bahala ang kaniyang mga utos, at kaniyang mga alituntunin, at kanyang mga batas na aking iniutos sa inyo ngayon. 12 Para hindi ito mangyari na, kapag kumain kayo at mabusog, at kapag magtatayo kayo ng maayos na mga bahay at manirahan dito, 13 at kapag dumami ang inyong mga alagang hayop at mga kawan, at kapag dumami na ang inyong pilak at ginto, at kapag ang lahat ng nasa inyo ay dumami— 14 na pagkatapos ang inyong puso ay maaaring magmataas, at maaari ninyong makalimutan si Yahweh na inyong Diyos, na nagpalabas sa inyo mula sa lupain ng Ehipto, mula sa tahanan ng pagkakaalipin. 15 Maaaring makalimutan ninyo siya na pumatnubay sa inyo sa malaki at kakila-kilabot na ilang, kung saan may nag-aapoy na mga ahas at mga alakdan, at sa uhaw na lupa na walang tubig; si Yahweh, na nagpalabas ng tubig sa batong pingkian para sa inyo; 16 si Yahweh, na nagpakain sa inyo ng manna sa ilang na hindi nakilala ng inyong mga ninuno, para kayo ay ibaba niya, at para kayo ay subukin niya, para gawan kayo ng kabutihan hanggang katapusan; 17 kung hindi, maaari ninyong sabihin sa inyong puso, 'Sa aking kapangyarihan at sa lakas ng aking kamay natamo ko ang lahat ng kayamanang ito.' 18 Pero isa-isip ninyo si Yahweh na inyong Diyos, dahil siya ang nagbibigay sa inyo ng kapangyarihan para makakuha ng kayamanan; para maitatag ang kaniyang tipan na kaniyang pinangako sa inyong mga ama, gaya sa araw na ito. 19 Ito ay mangyayari na, kung inyong kalilimutan si Yahweh na inyong Diyos at sumunod sa ibang mga diyos, sambahin sila, at gagalangin sila, patutunayan ko laban sa inyo ngayon na kayo'y tunay na mapupuksa. 20 Tulad ng mga bansa na pinuksa ni Yahweh sa harapan ninyo, kaya magihihirap kayo, dahil hindi ninyo ninais makinig sa boses ni Yahweh na inyong Diyos.

Chapter 9

1 Makinig, Israel; malapit na kayong tumawid sa Jordan sa araw na ito, pasukin para agawin ang mga bansang higit na malaki at higit na malakas kaysa sa inyong sarili, at mga lungsod na pinatibay pataas hanggang sa langit, 2 isang malalakas na mga tao at matatangkad, ang mga anak na lalaki ng Anakim, na kilala ninyo, at siyang narinig ninyong sinabi ng mga tao, 'Sino ang makakapanindigan sa harapan ng mga anak na lalaki ni Anak?' 3 Kaya alamin sa araw na ito, na si Yahweh na inyong Diyos ang siyang mangunguna sa harapan ninyo katulad ng isang lumalamong apoy; wawasakin niya sila, at sila ay ibabagsak niya sa inyong harapan; para palayasin ninyo sila palabas at agad silang mamatay, gaya ng sinabi ni Yahweh sa inyo. 4 Huwag sabihin sa inyong puso, matapos silang itulak palabas ni Yahweh na inyong Diyos mula sa inyong harapan, 'dahil ako ay matuwid kaya dinala ako ni Yahweh para angkinin ang lupang ito,' dahil ito sa kasamaan nitong mga bansa kaya't pinaaalis sila ni Yahweh palabas mula sa harapan ninyo. 5 Hindi ito dahil sa inyong pagkamatuwid o sa kabutihan ng inyong puso na makakapasok kayo para angkinin ang kanilang lupain; pero dahil sa kasamaan ng mga bansang ito kaya't papaalisin sila ng inyong Diyos palabas mula sa inyong harapan, at para magawa niyang tuparin ang salita na pinangako niya sa inyong mga ninuno, kay Abraham, Isaac, at Jacob. 6 Kaya alamin ninyo, na hindi nagbigay si Yahweh na inyong Diyos sa inyo nitong masaganang lupain para angkinin dahil sa inyong pagkamatuwid, sapagkat kayo'y suwail na sangkatauhan. 7 Alalahanin ninyo at huwag kalimutan kung paano ninyo ginalit si Yahweh na inyong Diyos sa ilang; mula sa araw na iniwan ninyo ang lupain ng Ehipto hanggang sa nakarating kayo sa lugar na ito, naging suwail kayo laban kay Yahweh. 8 Pati sa Horeb ginalit ninyo si Yahweh, at nagalit si Yahweh sa inyo na sapat para lipulin kayo. 9 Nang umakyat ako sa bundok para tanggapin ang mga tipak na bato, ang mga tipak ng tipan na ginawa ni Yahweh kasama ninyo, nanatili ako sa bundok ng apatnapung araw at apatnapung gabi; ni hindi ako kumain ng tinapay o uminom ng tubig. 10 Ibinigay ni Yahweh sa akin ang dalawang tipak na batong sinulatan gamit ang kaniyang daliri; nasusulat sa mga ito ang lahat ng bagay gaya ng lahat ng mga salitang ipinahayag ni Yahweh sa inyo sa bundok mula sa gitna ng apoy noong araw ng pagtitipon. 11 Nangyari ito sa matapos ang apatnapung araw at apatnapung gabing iyon ng ibinigay ni Yahweh sa akin ang dalawang tipak na bato, ang mga tipak ng kautusan. 12 Sinabi ni Yahweh sa akin, 'Tumayo ka, agad na bumaba mula rito, dahil dinungisan ng iyong mga tao na dinala mo palabas ng Ehipto ang kanilang mga sarili. Agad silang lumihis sa landas na aking iniutos sa kanila. Gumawa sila para sa kanilang sarili ng isang hinulmang hugis.' 13 Dagdag pa rito, nagsalita si Yahweh sa akin at sinabing, 'Nakita ko ang mga taong ito; mga taong matitigas ang ulo. 14 Hayaan mo akong mag-isa, para mawasak ko sila at burahin ang kanilang pangalan mula sa silong ng langit, at gagawin kitang isang bansang higit na malakas at higit na dakila kaysa sa kanila'. 15 Kaya tumalikod ako at bumaba sa bundok, at ang bundok ay nasusunog. Nasa aking mga kamay ang dalawang tipak ng tipan. 16 Tumingin ako, at nakitang, nagkasala kayo laban kay Yahweh na inyong Diyos. Naghulma kayo para sa inyong sarili ng isang guya. Lumihis kayo mula sa daang iniutos ni Yahweh sa inyo. 17 Kinuha ko ang dalawang tipak at tinapon ang mga ito mula sa aking mga kamay. Binasag ko ang mga ito sa harapan ng inyong mga mata. 18 Muli akong nagpatirapa sa harapan ni Yahweh ng apatnapung araw at apatnapung gabi; hindi ako kumain ng tinapay ni uminom ng tubig, dahil sa lahat kasalanang ginawa ninyo, sa paggawa ng kung ano ang masama sa paningin ni Yahweh, para galitin siya. 19 Dahil natakot ako sa galit at sa mainit na pagkayamot na kung saan galit si Yahweh laban sa inyo para wasakin kayo. Pero nakinig din si Yahweh sa akin ng oras na iyon. 20 Galit na galit si Yahweh kay Aaron para patayin siya; nanalangin din ako para kay Aaron ng oras na iyon. 21 Kinuha ko ang inyong kasalanan, ang guya na ginawa ninyo, at sinunog ito, hinampas ito, at dinurog ito nang napakaliit, hanggang sa naging pino ito tulad ng alikabok. Tinapon ko ang alikabok nito sa tubig na dumadaloy pababa mula sa bundok. 22 Sa Tabera, sa Massa, at sa Kibrot Hataava, ginalit ninyo si Yahweh ng matindi. 23 Nang ipinadala kayo ni Yahweh mula sa Kades Barnea at sinabing, 'Humayo at angkinin ang lupain na ibinigay ko sa inyo,' pagkatapos naghimagsik kayo laban sa utos ni Yahweh na inyong Diyos, at hindi kayo naniwala o nakinig sa kaniyang boses. 24 Naging suwail kayo laban kay Yahweh mula sa araw na nakilala ko kayo. 25 Kaya nagpatirapa ako sa harapan ni Yahweh ng apatnapung wawasakin niya kayo. 26 Nagdasal ako kay Yahweh at sinabing, 'O Panginoong Yahweh, huwag mong wasakin ang iyong mga tao o ang iyong pamana na iyong iniligtas sa pamamagitan ng iyong kadakilaan, na dinala mo palabas ng Ehipto gamit ang isang makapangyarihang kamay. 27 Isipin ang inyong mga lingkod, na sina Abraham, Isaac, at Jacob; huwag tumingin sa katigasan ng ulo mga taong ito, ni sa kanilang kasamaan, ni sa kanilang kasalanan, 28 para ang lupain mula sa kung saan mo kami dinala ay dapat sabihing, "Dahil hindi sila dadalhin ni Yahweh sa lupang ipinangako niya sa kanila, at dahil kinasuklaman niya sila, dinala niya sila palabas para patayin sila sa ilang." 29 Gayun pa man sila ay iyong mga tao at iyong pamana, na dinala mo palabas sa pamamagitan ng iyong dakilang lakas at sa pamamagitan ng pagpapakita ng iyong kapangyarihan.'

Chapter 10

1 Nang panahong iyon sinabi ni Yahweh sa akin, 'Umukit ka ng dalawang tipak na bato katulad ng una, at umakyat ka sa akin sa bundok, at gumawa ka ng isang kaban na kahoy. 2 Isusulat ko sa mga tipak na bato ang mga salita na nasa unang mga tipak, na iyong binasag at ilalagay mo sila kahoy na baul.' 3 Kaya gumawa ako ng baul sa kahoy ng akasya, at umukit ako ng dalawang tipak na bato katulad ng nauna, at umakyat ako sa bundok, dala ang dalawang tipak na bato sa aking kamay. 4 Isinulat niya sa mga tipak na bato, tulad sa unang nakasulat, ang Sampung Utos na sinabi ni Yahweh sa iyo sa bundok mula sa gitna ng apoy sa araw ng pagpupulong; pagkatapos ibinigay sila ni Yahweh sa akin. 5 Bumalik ako at bumaba mula sa bundok, at inilagay ang mga tipak na bato sa baul na ginawa ko; naroon sila, gaya ng inutos ni Yahweh sa akin." 6 (Naglakbay ang mga tao sa Israel mula Beerot Bene Jaakan patungong Mosera. Doon namatay si Aaron, at doon siya inilibing; si Eleazar na kaniyang anak na lalaki, ay naglingkod sa tanggapan ng pari kapalit niya. 7 Mula doon naglakbay sila patungong Gudgoda, at mula Gudgoda patungong Jotbata, isang lupain ng mga batis ng tubig. 8 Nang panahong iyon pinili ni Yahweh ang lipi ni Levi para dalhin ang kasunduan ni Yahweh, para tumayo sa harapan ni Yahweh para maglingkod sa kaniya, at pagpalain ang mga tao sa kaniyang pangalan, sa araw na iyon 9 Kaya walang bahagi si Levi ni pamanang lupain kasama ang kaniyang mga kapatid na lalaki; si Yahweh ang kaniyang pamana, gaya ng sinabi sa kaniya ni Yahweh na inyong Diyos.) 10 Nanatili ako sa bundok gaya ng unang pagkakataon, apatnapung araw at apatnapung gabi. Nakinig si Yahweh sa akin sa panahon ding iyon; hindi ninais ni Yahweh na wasakin kayo. 11 Sinabi ni Yahweh sa akin, 'Bumangon ka, mauna kang umalis sa mga tao para pangunahan sila sa kanilang paglalakbay; papasok sila at angkinin ang lupaing ipinangako ko sa kanilang mga ninuno na ibibigay sa kanila.' 12 Ngayon, Israel, ano ang kailangan ni Yahweh na inyong Diyos, maliban sa matakot kay Yahweh na inyong Diyos, para lumakad sa lahat ng kaniyang kaparaanan, para ibigin siya, at para sambahin si Yahweh na inyong Diyos ng buong puso at buong kaluluwa, 13 para sundin ang mga utos ni Yahweh, at ang kaniyang mga batas, na inuutos ko sa inyo ngayon para sa inyong kabutihan? 14 Tingnan ninyo, pag-aari ni Yahweh na inyong Diyos ang langit ng kalangitan, ang sanlibutan, kasama ang lahat na nasa kanila. 15 Si Yahweh lamang ang nasiyahan sa inyong mga ama para ibigin sila, at pinili niya kayo, na kanilang mga kaapu-apuhan, na kasunod nila, kaysas sa sa ibang mga tao, gaya ng ginagawa niya ngayon. 16 Kaya nga tuliin ang masamang balat ng inyong puso at huwag maging suwail. 17 Dahil si Yahweh na inyong Diyos, siya ay Diyos ng mga diyos at Panginoon ng mga panginoon, ang dakilang Diyos, ang tanging makapangyarihan at ang tanging kinatatakutan, na siyang walang itinatanging sinuman at hindi tumatanggap ng mga suhol. 18 Nagpapatupad siya ng katarungan para sa ulila at balo, at ipinapakita niya ang pagmamahal para sa mga dayuhan sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng pagkain at kasuotan. 19 Kaya mahalin ang dayuhan; dahil naging dayuhan kayo sa lupain ng Ehipto. 20 Katatakutan ninyo si Yahweh na inyong Diyos; siya ang inyong sasambahin. Kailangan ninyong kumapit sa kaniya, at mangangako kayo sa pamamagitan ng kaniyang pangalan. 21 Siya ang inyong papuri, at siya ay inyong Diyos, na siyang gumawa para sa inyo ng makapangyarihan at nakakatakot na mga bagay na ito, na nakita ng inyong mga mata. 22 Bumaba ang inyong mga ama sa Ehipto bilang pitumpung tao; ngayon ginawa kayo ni Yahweh na inyong Diyos na kasindami ng mga bituin sa kalangitan.

Chapter 11

1 Sa gayon ay iibigin ninyo si Yahweh na inyong Diyos at palaging susundin ang kaniyang mga tagubilin, kaniyang mga batas, kaniyang mga panuntunan at kaniyang mga utos. 2 Pansinin na hindi ako nakikipag-usap sa inyong mga anak, na hindi nakaalam o nakakita sa mga parusa ni Yahweh na inyong Diyos, kaniyang kadakilaan, kaniyang malakas na kamay, ang pagpapakita ng kaniyang kapangyarihan, 3 ang mga tanda at mga gawa na ginawa niya sa gitna ng Ehipto, kay Paraon, hari ng Ehipto, at sa lahat ng lupain niya. 4 Ni nakita nila kung ano ang ginawa niya sa hukbo ng Ehipto, sa kanilang mga kabayo, o sa kanilang mga karrwaheng pandigma; kung paano niya ginawa na ang tubig sa Dagat na Pula ay tabunan sila habang hinahabol nila kayo, at kung paano sila sinira ni Yahweh hanggang ngayon; 5 o kung ano ang ginawa niya para sa inyo sa ilang hanggang sa makarating kayo sa lugar na ito. 6 Hindi nila nakita ang ginawa ni Yahweh kina Datan at Abiram, mga anak na lalaki ni Eliab na anak na lalaki ni Ruben; kung paano bumuka ang bibig ng mundo at nilulon sila, ang sambahayan, ang mga tolda, at bawat nabubuhay na bagay na nakasunod sa kanila, sa gitna ng buong Israel. 7 Pero nakita ng inyong mga mata ang lahat ng mga dakilang gawa ni Yahweh na ginawa niya. 8 Kaya nga sundin ninyong lahat ang mga utos na pinapagawa ko sa inyo ngayon, para maging malakas kayo, at pumasok at angkinin ang lupain, kung saan kayo papunta para angkinin iyon; 9 at mapapahaba ninyo ang mga araw ninyo sa lupaing pinangako ni Yahweh sa inyong mga ama na ibigay sa kanila at sa kanilang mga kaapu-apuhan, isang lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot. 10 Para ang lupain, kung saan kayo papasok para inyong angkinin, ay hindi tulad ng lupain ng Ehipto, kung saan kayo nanggaling, kung saan nagtanim kayo ng buto at diniligan iyon gamit ang inyong paa, tulad ng hardin ng mga damong-gamot; 11 pero ang lupain, kung saan kayo patungo para angkinin iyon, ay isang lupain ng mga burol at mga lambak, at umiinom ng tubig ng ulan ng kalangitan, 12 isang lupaing inaalagaan ni Yahweh; ang mga mata ni Yahweh ay palaging naroon, mula sa simula hanggang sa katapusan ng taon. 13 Mangyayari ito, kung masigasig kayong makikinig sa aking mga utos na sinasabi ko sa inyo ngayon para mahalin si Yahweh na inyong Diyos, at paglingkuran siya ng inyong buong puso at ng inyong buong kaluluwa, 14 na ibibigay ko ang ulan ng inyong lupain sa kapanahunan nito, ang paunang ulan at ang panghuling ulan, para matipon ninyo ang inyong mga butil, ang inyong bagong alak, at inyong langis. 15 Magbibigay ako ng damo sa inyong mga bukid para sa inyong mga baka, at kakain kayo at mabubusog. 16 Bigyang pansin ang inyong mga sarili, para hindi malinlang ang inyong puso, at kayo'y lumihis at sumamba sa ibang mga diyus-diyosan, at yumukod sa kanila; 17 para ang galit ni Yahweh ay hindi mag-alab laban sa inyo, at para hindi niya isara ang kalangitan, para hindi magkaroon ng ulan, at ang lupa ay hindi magbigay ng kaniyang bunga, at para hindi kayo madaling mamatay mula sa masaganang lupaing ibinibigay sa inyo ni Yahweh. 18 Kaya nga ilagay ang mga salita kong ito sa inyong puso at kaluluwa; itali ang mga ito bilang isang tanda sa inyong kamay, at hayaan ang mga ito na maging gasa sa pagitan ng inyong mga mata. 19 Ituturo ninyo ang mga ito sa inyong mga anak at pag-usapan ang tungkol sa mga ito kapag nakaupo kayo sa bahay ninyo, kapag naglalakad kayo sa daan, kapag humihiga at bumabangon kayo. 20 Isusulat ninyo ang mga ito sa mga haligi ng pinto ng inyong bahay at sa mga tarangkahan ng inyong lungsod, 21 para dumami ang inyong mga araw, at ang mga araw ng inyong mga anak, sa lupaing ipinangako ni Yahweh sa inyong mga ama na ibibigay niya sa kanila, na maging tulad ang dami ng araw na gaya ng kalangitan ay mataas sa ibabaw ng mundo. 22 Dahil kung masigasig ninyong susundin ang lahat ng mga utos na ito na sinasabi ko sa inyo, para gawin ang mga iyon, ibigin si Yahweh na inyong Diyos, lumakad sa lahat ng kaniyang mga kaparaanan, at kumapit sa kaniya, 23 at itataboy ni Yahweh ang lahat ng mga bansang ito mula sa harapan ninyo, at aagawan ninyo ang mga bansang higit na malaki at higit na malakas kaysa sa inyong sarili. 24 Bawat lugar na lalakaran ng inyong mga talampakan ay mapapasa inyo; mula sa ilang hanggang sa Lebanon, mula sa ilog, ang Ilog Eufrates, hanggang sa kanlurang dagat ay magiging hangganan ninyo. 25 Walang sinumang tao ang makakatayo sa harapan ninyo; maglalagay si Yahweh na inyong Diyos ng takot at ng kilabot sa lahat ng mga lupaing lalakaran ninyo, tulad ng sinabi niya sa inyo. 26 Masdan, itinakda ko sa inyo ngayon ang isang pagpapala at isang sumpa; 27 ang pagpapala, kung makikininig kayo sa mga utos ni Yahweh na inyong Diyos na sinasabi ko sa inyo ngayon; 28 at ang sumpa, kung hindi kayo makikinig sa mga utos ni Yahweh na inyong Diyos, pero lumihis palayo mula sa daan na sinasabi ko sa inyo ngayon, para sumunod sa ibang mga diyus-diyosan na hindi ninyo nakilala. 29 Mangyayari ito, kapag si Yahweh na inyong Diyos ay dinala kayo sa lupain kung saan kayo papunta para angkinin, na itatakda ninyo ang pagpapala sa Bundok Gerizim, at ang sumpa sa Bundok Ebal. 30 Hindi ba ang mga iyon ay nasa kabila ng Jordan, sa kanluran ng kanluraning daan, sa lupain ng mga Cananeo na nakatira sa Araba, sa itaas salungat sa Gilgal, sa tabi ng mga kakahuyan ng More? 31 Dahil tatawid kayo sa Jordan para makapasok at angkinin ang lupaing ibinibigay sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos, at aangkinin ninyo iyon at maninirahan doon. 32 Susundin ninyo ang lahat ng mga batas at mga panuntunang itinakda ko sa inyo ngayon.

Chapter 12

1 Ito ang mga batas at ang mga panuntunan na pananatilihin ninyo sa lupain na si Yahweh, ang Diyos ng inyong mga ama, ang nagbigay sa inyo para inyong angkinin sa lahat ng araw na kayo ay nabubuhay sa mundo. 2 Tiyak na wawasakin ninyo ang lahat ng mga lugar kung saan ang mga bansa na inyong tatanggalan ng karapatan na sumamba sa kanilang mga diyus-diyosan, sa matataas na mga bundok, sa mga burol, at sa ilalim ng bawat luntiang puno; 3 at sisirain ninyo ang kanilang mga altar, pagpipira-pirasuhin ninyo ang kanilang banal na mga batong haligi, at susunugin ang kanilang mga posteng Asera; puputulin ninyo ang inukit na mga larawan ng kanilang mga diyus-diyosan at sisirain ang kanilang pangalan mula sa lugar na iyon. 4 Hindi ninyo sasambahin si Yahweh na inyong Diyos tulad niyan. 5 Pero sa lugar na pipiliin ni Yahweh na inyong Diyos mula sa lahat ng inyong mga lipi para ilagay ang kaniyang pangalan, na magiging lugar kung saan siya titira, at doon kayo pupunta. 6 Dadalhin ninyo roon ang inyong mga handog na susunugin, ang inyong mga alay, ang inyong mga ikapu, at ang mga handog na inihandog ng inyong kamay, ang inyong mga handog para sa mga panata, ang inyong kusang loob na mga handog, at ang panganay ng inyong mga hayop at mga kawan. 7 Kakainin ninyo roon sa harapan ni Yahweh na inyong Diyos at magsasaya tungkol sa lahat ng mga bagay na inyong ginagawa, kayo at ang inyong mga sambahayan, kung saan kayo ay pinagpala ni Yahweh na inyong Diyos. 8 Hindi ninyo gagawin ang lahat ng mga bagay na ginagawa natin dito ngayon; gumawa ngayon ang bawat isa ng anumang bagay na tama sa kanilang sariling mga mata; 9 dahil hindi pa kayo nakarating sa kapahingahan, sa mga mamanahin na ibibigay ni Yahweh na inyong Diyos sa inyo. 10 Pero kapag tatawid na kayo sa Jordan at maninirahan sa lupain na idinulot ni Yahweh na inyong Diyos na inyong mamanahin, at kapag binibigyan niya kayo ng kapahingahan mula sa lahat ng inyong mga kaaway na nakapalibot, nang sa gayon manirahan kayo ng ligtas, 11 pagkatapos mangyayari ito sa lugar kung saan piliin ni Yahweh na inyong Diyos doon na manirahan ang kaniyang pangalan, doon dalhin ninyo ang lahat ng iniutos ko sainyo: ang inyong mga sinunog na handog, ang inyong mga alay, ang inyong mga ikapu, at ang mga handog na inihandog ng inyong kamay, at lahat ng inyong piling handog para sa mga panata na inyong ipapangako kay Yahweh. 12 Magsasaya kayo sa harapan ni Yahweh na inyong Diyos—kayo, ang inyong mga anak na lalaki, ang inyong mga anak na babae, ang inyong mga lingkod na lalaki at ang inyong mga lingkod na babae at ang mga Levita na nasa loob ng inyong tarangkahan, dahil wala siyang bahagi o pamana sa inyo. 13 Bigyang pansin ang inyong sarili na hindi kayo magsusunog ng handog sa bawat lugar na inyong makikita; 14 pero ito ay sa lugar na pipiliin ni Yahweh na mula sa isa sa inyong mga lipi na ang inyong mga handog ay susunugin, at gagawin ninyo doon ang lahat ng bagay na sinabi ko sa inyo. 15 Gayon pa man, maaari kayong pumatay at kumain ng mga hayop na nasa loob ng lahat ng inyong mga tarangkahan, gaya ng nais ninyo, pagtanggap sa mga pagpapala ni Yahweh na inyong Diyos para sa lahat nang ibinigay niya sa inyo; ang marurumi at ang malilinis na mga tao ay parehong makakakain nitong mga hayop tulad ng gasela at usa. 16 Pero hindi ninyo kakainin ang dugo, ibubuhos ninyo ito sa lupa na parang tubig. 17 Hindi kayo maaaring kumain sa loob ng inyong mga tarangkahan mula sa ikapu ng inyong butil, ang inyong bagong alak, inyong langis, o ang panganay ng inyong hayop o kawan; at hindi kayo maaaring kumain ng anuman sa laman na inyong inialay kasama ng anumang mga panata na inyong ginawa, ni hindi ang inyong kusang-loob na mga handog, o ang mga handog na inihandog ng inyong kamay. 18 Sa halip, kakainin ninyo ang mga ito sa harapan ni Yahweh na inyong Diyos sa lugar na pipiliin ni Yahweh na inyong Diyos—kayo, ang inyong anak na lalaki, anak na babae, ang mga lingkod na lalaki, mga lingkod na babae, at ang mga Levita na nasa loob ng inyong tarangkahan; magsasaya kayo sa harapan ni Yahweh na inyong Diyos tungkol sa lahat ng bagay kung saan inilagay ninyo ang inyong kamay. 19 Bigyang pansin ang inyong sarili na hindi ninyo pababayaan ang mga Levita hangga't naninirahan kayo sa inyong lupain. 20 Kapag pinalawak ni Yahweh na inyong Diyos ang inyong mga hangganan, tulad ng ipinangako niya sa inyo, at sinabi ninyo, 'Kakain ako ng laman,' dahil sa inyong pagnanais na kumain ng laman, maaari kayong kumain ng laman, gaya ng inyong pagnanais. 21 Kung masyadong malayo mula sa inyo ang lugar na pipiliin ni Yahweh na inyong Diyos na lagyan ng kaniyang pangalan, sa gayon papatay kayo ng ilan sa inyong mga hayop o inyong mga kawan na ibinigay ni Yahweh sa inyo, katulad ng sinabi ko sa inyo; maaari kayong kumain sa loob ng inyong mga tarangkahan, ayon sa inyong pagnanais. 22 Tulad ng ang gasela at ang usa ay kinakain, kakain din kayo nito; maaaring kumain nito ang magkatulad na marurumi at malilinis na mga tao. 23 Tiyakin lamang na huwag ninyong kakainin ang dugo, dahil ang dugo ay ang buhay; hindi ninyo kakainin ang buhay kasama ang laman. 24 Hindi ninyo ito kakainin; ibubuhos ninyo ito sa lupa na parang tubig. 25 Hindi ninyo ito kakainin, para lahat ay maging mabuti sa inyo, at ng inyong mga anak na susunod sa inyo, kapag ginawa ninyo kung ano ang tama sa mga mata ni Yahweh. 26 Pero ang mga bagay na nabibilang kay Yahweh na mayroon kayo at ang mga handog para sa inyong mga panata—kukunin ninyo ang mga ito at pupunta sa lugar na pipiliin ni Yahweh. 27 Ihahain ninyo ang inyong mga sinunog na handog, ang laman at ang dugo, sa altar ni Yahweh na inyong Diyos; ang dugo ng inyong mga alay ay ibubuhos sa altar ni Yahweh na inyong Diyos, at kakainin ninyo ang laman. 28 Magmasid at makinig sa lahat ng mga salitang ito na sinasabi ko sa inyo, na maaaring makabuti ito sa inyo at sa inyong mga anak na susunod sa inyo magpakailanman, kapag ginawa ninyo kung ano ang mabuti at tama sa mga mata ni Yahweh na inyong Diyos. 29 Kapag winasak ni Yahweh ang mga bansa mula sa harapan ninyo, kapag pumasok kayo para alisan sila ng karapatan, at mapaalis ninyo sila, at maninirahan sa kanilang lupain, 30 bigyan pansin ang inyong sarili na hindi kayo mabibitag sa pagsunod sa kanila, pagkatapos silang mawasak mula sa harapan ninyo—mabitag sa pagsisiyasat sa kanilang mga diyos, sa pagtatanong, 'Paano sumasamba ang mga bansang ito sa kanilang mga diyus-diyosan? Ganoon din ang gagawin ko.' 31 Hindi ninyo iyan gagawin sa paggalang kay Yahweh na inyong Diyos, dahil ang lahat ng bagay na kasuklam-suklam kay Yahweh, ang mga bagay na kinasusuklaman niya—ginawa nila ang mga ito sa kanilang diyus-diyosan; sinunog nila kahit pa ang kanilang mga anak na lalaki at kanilang mga anak na babae sa apoy para sa kanilang mga diyus-diyosan. 32 Anuman ang sinabi ko sa inyo ay sundin ito. Huwag itong dagdagan o bawasan.

Chapter 13

1 Kung may lilitaw sa inyo na isang propeta o isang nagbibigay kahulugan sa mga panaginip, at kung siya ay magbibigay sa inyo ng isang palatandaan o isang himala, 2 at kung darating ang tanda o ang himala, kung saan siya ay nagsalita sa inyo at sinabing, 'Sumunod tayo sa ibang mga diyus-diyosan, na hindi ninyo kilala, at sambahin natin sila,' 3 huwag makinig sa mga salita ng propetang iyon, o ng mga nagbibigay kahulugan sa mga panaginip; dahil sinusubukan kayo ni Yahweh na inyong Diyos para malaman kung mahal ninyo si Yahweh na inyong Diyos ng inyong buong puso at buong kaluluwa. 4 Maglalakad kayo kasunod ni Yahweh na inyong Diyos, parangalan siya, susundin ang kaniyang mga kautusan, at sumunod sa kaniyang boses, at sambahin ninyo siya at kumapit sa kaniya. 5 Ilalagay sa kamatayan ang propeta o nagbibigay kahulugan sa mga panaginip na iyon, dahil nagsasalita siya ng paghihimagsik laban kay Yahweh na inyong Diyos, ang siyang nagdala sa inyo palabas sa lupain ng Ehipto, at ang siyang tumubos sa inyo palabas sa bahay ng pagkaalipin. Gusto kayong ilayo ng propetang iyon sa daan kung saan kayo inutusang lumakad ni Yahweh na inyong Diyos. Kaya alisin ninyo ang kasamaan mula sa inyo. 6 Ipagpalagay na ang inyong kapatid na lalaki, na anak na lalaki ng inyong ina, o ang inyong anak na lalaki o inyong anak na babae, o ang asawa ng inyong sinapupunan, o ang inyong kaibigan na sa inyo ay parang sarili ninyong kaluluwa, na palihim na umaakit sa inyo at sinasabing, 'Tayo'y pumunta at sumamba sa ibang mga diyus-diyosan na hindi ninyo kilala, maging kayo o ng inyong mga ninuno— 7 alinman sa mga diyus-diyosan ng mga tao na nakapalibot sa inyo, malapit sa inyo, o malayo mula sa inyo, mula sa isang dulo ng mundo hanggang sa ibang dulo ng mundo.' 8 Huwag sumang-ayon o makinig sa kaniya. Ni dapat siyang kaawaan ng inyong mata, ni papatawarin o itago siya. 9 Sa halip, siguraduhin ninyong papatayin siya; ang inyong kamay ang mauun para patayin siya, at pagkatapos ang kamay na ng lahat ng mga tao. 10 Babatuhin ninyo siya hanggang sa kamatayan sa pamamagitan ng mga bato, dahil sinubukan niyang hilain kayo palayo mula kay Yahweh na inyong Diyos, na nagdala sa inyo palabas sa lupain ng Ehipto, palabas sa bahay ng pagkaalipin. 11 Makikinig at matatakot ang buong Israel, at hindi magpapatuloy sa paggawa ng ganitong uri ng kasamaan sa inyo. 12 Kung marinig ninyo sa sinuman na nagsasabi tungkol sa isa sa inyong mga lungsod na binigay ni Yahweh na inyong Diyos sa inyo para tirahan: 13 Ang ilan sa masamang mga kasamahan ay umalis mula sa inyo at lumayo ang naninirahan sa kanilang lungsod at sinabing, 'Tayo na at sumamba sa ibang mga diyus-diyosan na hindi ninyo kilala.' 14 Pagkatapos suriin ninyo ang katibayan, gumawa ng pagsasaliksik, at siyasatin ito ng mabuti. Kung ito ay totoo at tiyak na isang kasuklam-suklam na bagay na nagawa sa inyo— 15 pagkatapos siguraduhing lumusob sa mga naninirahan sa lungsod sa pamamagitan ng talim ng tabak, ganap itong wasakin at ang lahat ng mga tao na narito, kasama ng alagang hayop, sa pamamagitan ng talim ng tabak. 16 pagsama-samahin ninyo ang lahat ng natirang mapapakinabangan pa mula rito sa gitna ng daan, at sunugin ang lungsod, gayon din ang lahat ng natirang mapapakinabangan rito— para kay Yahweh na inyong Diyos. Magiging isang bunton ng mga pagkasira magpakailanman ang lungsod; hindi na ito dapat pang maitayong muli. 17 Wala ni isa sa mga bagay na iyon na inihiwalay para wasakin ang dapat manatili sa inyong kamay. Ito ang dapat na kalagayan, nang sa gayon tatalikod si Yahweh mula sa kabagsikan ng kaniyang galit, pakitaan kayo ng awa, may kahabagan sa inyo, at paparamihin ang inyong mga bilang, na ayon sa kaniyang isinumpa sa inyong mga ama. 18 Gagawin niya ito dahil nakikinig kayo sa boses ni Yahweh na inyong Diyos, para sundin ang lahat ng kaniyang mga kautusan na sinabi ko sa inyo ngayon, para gawin iyon na siyang tama sa mga mata ni Yahweh na inyong Diyos.

Chapter 14

1 Kayo ang mga tao ni Yahweh na inyong Diyos. Huwag ninyong putulan ang inyong mga sarili, ni ahitan ang anumang bahagi ng inyong mukha para sa patay. 2 Dahil kayo ang isang bansa na inilaan para kay Yahweh na inyong Diyos, at pinili kayo ni Yahweh na maging mga tao para sa kaniyang sariling pag-aari, higit pa sa lahat ng mga tao na nasa ibabaw ng mundo. 3 Hindi ninyo dapat kainin ang anumang kasuklam-suklam na bagay. 4 Ito ang mga hayop na maaari ninyong kainin: ang lalaking baka, ang tupa, at ang kambing, 5 ang usa, ang gasel, ang usang lalaki, ang mabangis na kambing, at aybeks, at ang antilope, at ang tupang bundok. 6 Maaari ninyong kainin ang anumang mga hayop na nakabahagi ang kuko, iyon ay, yung ang kuko na nahahati sa dalawa, at ngumunguya ng nginuyang pagkain ng hayop. 7 Gayon pa man, may ilang mga hayop na hindi ninyo dapat kainin na ngumunguya ng nginuyang pagkain ng hayop o yaong mayroong kukong nahahati sa dalawa: ang kamelyo, ang kuneho, at ang kuneho sa batuhan; dahil ang mga ito ay ngumunguya ng nginuyang pagkain ng hayop pero hindi hiwalay ang kuko, marumi sila para sa inyo. 8 Marumi rin para sa inyo ang baboy dahil siya ay hiwalay ang kuko pero hindi ngumunguya ng nginuyang pagkain ng hayop; marumi siya para sa inyo. Huwag kainin ang karne ng baboy, at huwag hawakan ang kanilang mga bangkay. 9 Maaari ninyong kainin ang mga bagay na ito na nasa tubig: kahit anong may mga palikpik at mga kaliskis; 10 pero hindi dapat ninyong kainin ang mga walang palikpik at kaliskis; marumi sila para sa inyo. 11 Makakain ninyo ang lahat ng malilinis na mga ibon. 12 Pero ito ang mga ibon na hindi dapat ninyo kainin: ang agila, ang buwitre, ang ospri, 13 ang pulang halkon at itim na halkon, anumang uri ng palkon, 14 anumang uri ng uwak, 15 at ang ostrits, at ang gabing lawin, ang tagak, anumang uri ng lawin, 16 ang munting kuwago, ang malaking kuwago, ang puting kuwago, 17 ang pelikano, ang buwitreng carrion, ang maninisid-isda, 18 at ang tagak, anumang uri ng kanduro, ang hoopoe, at ang paniki. 19 Lahat ng may pakpak, kumukuyog na mga bagay ay marumi para sa inyo; hindi dapat sila kainin. 20 Maaari ninyong kainin ang lahat ng mga malinis na bagay na lumilipad. 21 Hindi ninyo dapat kainin ang anumang hayop na kusang namatay; maaari ninyo itong ibigay sa dayuhan na nasa inyong mga tarangkahan, na maaari niyang kainin ito; o maaari ninyo itong ipagbili sa isang dayuhan. Sapagka't kayo ay isang bansa na inilaan para kay Yahweh na inyong Diyos. Dapat huwag ninyong pakuluan ang isang batang kambing sa gatas ng ina nito. 22 Dapat ninyong tiyakin ang ikapu sa lahat ng bunga ng inyong pinunla, na kung saan lalabas mula sa bukid taon taon. 23 Dapat kayong kumain sa harapan ni Yahweh na inyong Diyos, sa lugar na kaniyang pipiliin na kaniyang maging santuwaryo, ang ikapu ng inyong butil, ng inyong bagong alak, at ng inyong langis, at ang unang anak ng inyong mga hayop at inyong kawan; nang matutunan ninyong palaging parangalan si Yahweh na inyong Diyos. 24 Kung ang paglalakbay ay napakahaba para sa inyo na hindi na ninyo makayanan na dalhin ito, dahil ang lugar na pipiliin ni Yahweh na inyong Diyos na kaniyang santuwaryo ay napakalayo mula sa inyo, pagkatapos, kapag pagpapalain na kayo ni Yahweh na inyong Diyos, 25 ipagpapalit ninyo ang alay sa pera, itatali ang pera sa inyong kamay, at pumunta sa lugar na pipiliin ni Yahweh na inyong Diyos. 26 Doon gagastusin ninyo ang pera para sa anumang ninais ninyo: para sa mga baka, o para sa tupa, o para sa alak, o para sa matapang na inumin, o para sa anumang nais ninyo; kakain ka doon sa harap ni Yahweh na inyong Diyos, at magsasaya kayo, kayo at ang inyong sambahayan. 27 Ang Levita na nasa loob ng inyong mga tarangkahan— huwag siyang kalimutan, dahil wala silang bahagi ni pamana na nasa inyo. 28 Sa katapusan ng bawat tatlong taon ay ibibigay ninyo ang lahat na ikapu ng inyong bunga sa parehong taon, at iimbakin ninyo ito sa loob ng inyong mga tarangkahan; 29 at ang Levita, dahil wala silang bahagi ni pamana na nasa inyo, at ang dayuhan, at ang ulila, at ang balo na nasa loob ng inyong mga tarangkahan, pupunta at kakain at mabusog. Gawin ito para pagpapalain kayo ni Yahweh na inyong Diyos sa lahat ng gawain ng inyong kamay na inyong gagawin.

Chapter 15

1 Sa katapusan ng bawat pitong taon, dapat ninyong kanselahin ang mga utang. 2 Ito ang paraan ng pagpapalaya: ang lahat ng nagpapautang ay kanselahin ang alinmang pinautang sa kaniyang kapitbahay o kaniyang kapatid; hindi na niya ito hihigin dahil ang pagkakansela ni Yahweh ng mga utang ay nahayag na. 3 Maaari ninyong hingin ito mula sa isang dayuhan; pero anuman ang nasa inyong kapatid na inyong pag-aari ay dapat ng bitawan ng inyong kamay. 4 Ganoon pa man, wala dapat sa inyo ang mahirap (sapagkat tiyak na pagpapalain kayo ni Yahweh sa lupain na ibibigay niya sa inyo bilang isang pamana para angkinin), 5 kung masigasig lamang kayong makinig sa boses ni Yahweh na inyong Diyos, para sundin ang lahat ng mga kautusan na ito na aking sinasabi sa inyo sa araw na ito. 6 Pagpapalain kayo ni Yahweh na inyong Diyos, ayon sa ipinangako niya sa inyo; magpapautang kayo sa maraming mga bansa, pero hindi kayo hihiram; mamumuno kayo sa maraming mga bansa, pero hindi nila kayo pamumunuan. 7 Kung may isang taong mahirap sa inyo, isa sa inyong mga kapatid, saanman sa loob ng inyong mga tarangkahan sa lupain na ibinibigay sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos, hindi dapat ninyo patigasin ang inyong mga puso ni isara ang inyong kamay mula sa inyong mahirap na kapatid; 8 pero dapat ninyong tiyakin na bukas ang inyong kamay sa kaniya at tiyaking pautangin siya ng sapat para sa kaniyang kailangan. 9 Mag-ingat kayo sa pagkakaroon ng isang masamang pag-iisip sa inyong puso, sa pagsasabing, 'Ang ikapitong taon, ang taon ng pagpapalaya, ay malapit na,' para hindi kayo maging maramot patungkol sa mahirap ninyong kapatid at walang maibigay sa kaniya; baka siya ay umiyak kay Yahweh tungkol sa inyo, at maging kasalanan ito para sa inyo. 10 Dapat ninyong tiyaking magbigay sa kaniya, at hindi dapat magdamdam ang inyong puso kapag magbibigay sa kaniya, dahil ang kapalit nito ay pagpapalain kayo ni Yahweh na inyong Diyos sa lahat ng inyong mga gawain at sa lahat ng paglalagyan ng inyong kamay. 11 Dahil hindi kailanman mawawala ang mahihirap sa lupain; kaya sinasabi ko ito sa inyo, 'Dapat ninyong tiyaking bukas ang inyong kamay sa inyong kapatid, sa mga nangangailangan sa inyo, at sa mga mahihirap sa inyong lupain.' 12 Kung ang inyong kapatid, ay isang Hebreong lalaki, o isang Hebreong babae, ay binenta sa inyo at pinaglingkuran kayo nang anim na taon, kung gayon sa ikapitong taon dapat ninyo siyang palayain. 13 Kapag hinayaan ninyo siyang makalaya, huwag ninyo dapat siyang hayaan na makaalis na walang dala. 14 Dapat magbigay kayo ng masagana sa kaniya mula sa inyong kawan, mula sa inyong giikan ng palapag, at mula sa inyong pigaan ng ubas. Dahil pinagpala kayo ni Yahweh na inyong Diyos, dapat kayong magbigay sa kaniya. 15 Dapat ninyong alalahanin na kayo ay mga alipin sa lupain ng Ehipto, at si Yahweh na inyong Diyos ang tumubos sa inyo; kaya sinasabi ko sa inyo ngayon na gawin ito. 16 Mangyayari ito kung sinabi niya sa inyo, 'hindi ako lalayo sa inyo; dahil minamahal niya kayo at ang inyong tahanan, at dahil siya ay nasa mabuting kalagayan kasama ninyo, 17 kung gayon dapat kayong kumuha ng isang pambutas at itusok ito sa kaniyang tainga sa isang pintuan, at siya ay magiging lingkod ninyo habang buhay. At gagawin rin ninyo ito sa inyong aliping babae. 18 Hindi dapat maging mahirap para sa inyo na siya ay palayain mula sa inyo, dahil pinagsilbihan niya kayo ng anim na taon at binigyan ng dobleng halaga ang inupahang tao. Pagpapalain kayo ni Yahweh na inyong Diyos sa lahat ng inyong mga gagawin. 19 Dapat ninyong ihandog kay Yahweh na inyong Diyos ang lahat ng mga panganay na lalaki sa inyong mga alagang hayop at sa inyong kawan; hindi kayo magtatrabaho gamit ang inyong panganay na alagang hayop, ni gupitan ang panganay sa inyong kawan. 20 Dapat ninyong kainin ang panganay na lalaki sa harapan ni Yahweh na inyong Diyos taon-taon sa lugar na pipiliin ni Yahweh, kayo at ng inyong sambahayan. 21 Kung ito ay may anumang kapintasan—halimbawa, kung ito ay pilay o bulag, o mayroon kahit anong kapintasan—hindi ninyo dapat ito ialay kay Yahweh na inyong Diyos. 22 Kakainin ninyo ito sa loob ng inyong mga tarangkahan; dapat itong kainin ng taong marumi at malinis, tulad ng pagkain ninyo sa isang gasel o isang usa. 23 Huwag ninyo kainin ang dugo nito; kailangan ninyong ibuhos ang dugo nito sa lupa tulad ng tubig.

Chapter 16

1 Tandaan ang buwan ng Abib, at panatilihin ang Paskua para kay Yahweh na inyong Diyos, sapagka't sa buwan ng Abib dinala kayo ni Yahweh na inyong Diyos palabas ng Ehipto sa gabi. 2 Iaalay ninyo ang Paskua para kay Yahweh na inyong Diyos gamit ang ilan sa mga kawan at mga alagang hayop sa lugar na pipiliin ni Yahweh bilang kaniyang santuwaryo. 3 Kakain kayo ng tinapay na walang lebadura kasama nito; pitong araw kakain kayo ng tinapay na walang lebadura kasama nito, ang tinapay ng dalamhati; dahil mabilis kayong lumabas mula sa lupain ng Ehipto. Gawin ninyo ito sa lahat ng araw ng inyong buhay para inyong maisip ang araw na kayo ay nakalabas mula sa lupain ng Ehipto. 4 Dapat walang makitang lebadura sa inyo sa bawat hangganan sa ikapitong araw; ni kahit anong karne na inyong ialay sa gabi sa unang araw na manatili hanggang umaga. 5 Hindi ninyo maaaring ialay ang Paskua sa loob ng alin man sa inyong mga tarangkahan ng inyong lungsod na ibibigay ni Yahweh na inyong Diyos. 6 Sa halip, mag-alay sa lugar na pipiliin ni Yahweh bilang kaniyang santuwaryo. Doon ninyo isasagawa ang pag-aalay ng paskua sa gabi at sa paglubog ng araw, sa panahon ng taon na kayo ay nakalabas ng Ehipto. 7 Dapat ninyo itong ihawin at kainin sa lugar na pipiliin ni Yahweh na inyong Diyos; kinaumagahan kayo ay babalik at pupunta sa inyong mga tolda. 8 Sa loob ng anim na araw kayo ay kakain ng tinapay na walang lebadura; sa ika pitong araw magkaroon ng isang taimtim na pagtitipon para kay Yahweh na inyong Diyos; sa araw na iyon hindi kayo dapat magtrabaho. 9 Bibilang kayo ng pitong linggo para sa inyong sarili; dapat ninyong simulan ang pagbibilang ng pitong linggo sa oras na inyong simulang ilagay ang karit sa nakatayong butil. 10 Dapat ninyong ipagdiwang ang Pista ng mga Linggo para kay Yahweh na inyong Diyos kasama ang inyong ambag para sa kusang-loob na handog mula sa iyong kamay na inyong ibibigay, ayon sa pagpapala sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos. 11 Kayo ay magsasaya sa harapan ni Yahweh na inyong Diyos—kayo, inyong anak na lalaki, inyong anak na babae, inyong lalaking tagapaglingkod, inyong babaing tagapaglingkod, ang Levita na nasa loob ng mga tarangkahan ng inyong lungsod, at ang mga dayuhan, ang mga ulila, at ang mga balo na nasasakupan ninyo, doon sa lugar na pipiliin ni Yahweh na inyong Diyos para sa kaniyang santuwaryo. 12 Isaisip ninyo na kayo ay naging isang alipin sa Ehipto; Dapat ninyong sundin at gawin ang mga batas na ito. 13 Dapat ninyong ipagdiwang ang Pista ng mga Kanlungan ng pitong araw matapos ninyong malikom ang ani mula sa inyong giikang palapag at mula sa pigaan ng ubas. 14 Kayo ay magagalak sa panahon ng pista—kayo, inyong anak na lalaki, inyong anak na babae, inyong lalaking tagapaglingkod, inyong babaing tagapaglingkod, ang Levita, ang mga dayuhan, ang mga ulila at ang mga balo na nasa inyo, na nasa loob ng inyong mga tarangkahan. 15 Sa loob ng pitong araw dapat ninyong sundin ang Pista para kay Yahweh na inyong Diyos sa lugar na pipiliin ni Yahweh, dahil pagpapalain kayo ni Yahweh na inyong Diyos sa lahat ng inyong ani at sa lahat ng gawain ng inyong mga kamay, at dapat kayo ay lubusang masiyahan. 16 Tatlong beses sa isang taon, ang lahat ng inyong kalalakihan ay dapat magpakita sa harapan ni Yahweh na inyong Diyos sa lugar na kaniyang pipiliin: sa Pista ng Tinapay na walang Lebadura, sa Pista ng mga Linggo, at sa Pista ng mga Kanlungan; at hindi sila makikita sa harapan ni Yahweh na walang dala; 17 sa halip, ang bawat tao ay magbibigay ayon sa kaniyang kakayahan, para malaman ninyo ang pagpapalang ibinigay sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos. 18 Dapat gumawa kayo ng mga hukom at mga opisiyal sa loob ng lahat ng inyong mga tarangkahan ng lungsod na ibibigay sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos; sila ay kukunin mula sa bawat mga lipi ninyo, at dapat sila ay humatol sa mga tao ng may matuwid na paghatol. 19 Hindi ninyo dapat pilitin ang katarungan; hindi dapat kayo magpakita ng pagpanig ni kumuha ng suhol, dahil ang isang suhol ay bumubulag sa mga mata ng matalino at sumisira sa mga salita ng matuwid. 20 Dapat ninyong sundin ang katarungan, sa katarungan lamang, para kayo ay maaaring mamuhay at manahin ang lupaing ibinibigay sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos. 21 Dapat hindi kayo magtayo para sa iyong mga sarili ng isang Asera, anumang uri ng baras, katabi ng altar ni Yahweh na inyong Diyos na inyong gagawin para sa inyong sarili. 22 Ni magtayo kayo para sa inyong sarili ng anumang banal na batong haligi, na kinasusuklaman ni Yahweh na inyong Diyos.

Chapter 17

1 Hindi kayong dapat maghandog kay Yahweh na inyong Diyos ng isang baka o tupa na may kapintasan o kapansanan dahil kasuklam-suklam iyon sa harapan ni Yahweh na inyong Diyos. 2 Kung mayroong matagpuan sa inyo, kahit saan sa loob ng tarangkahan ng inyong mga lungsod na ibibigay ni Yahweh na inyong Diyos, sinumang lalaki o babae na gumagawa ng masama sa paningin ni Yahweh na inyong Diyos at lumalabag sa kaniyang kautusan— 3 sinuman ang mawala at sumamba sa ibang mga diyus-diyosan at lumuhod sa kanila, kahit na ang araw, ang buwan o anumang nasa langit—na wala sa aking sinabi 4 at kung sinabi sa iyo ang tungkol dito o kung maririnig mo ito—pagkatapos ay dapat kang gumawa ng isang maingat na pagsusuri. Kung totoo at tiyak ito na isang kasuklam-suklam na bagay na natapos gawin sa Israel— 5 —pagkatapos dapat mong dalhin ang lalaki o babae iyon, na nakagawa ng masamang bagay sa tarangkahan ng inyong mga lungsod, na ang lalaki o babaeng iyon, ay dapat batuhin hanggang sa mamatay. 6 Sa bibig ng dalawang o tatlong mga saksi, ang dapat mamatay ay hatulan ng kamatayan, pero sa bibig ng isang saksi ay hindi siya dapat hatulan ng kamatayan. 7 Ang kamay ng mga saksi ay dapat unang maglagay sa kaniya sa kamatayan at pagkatapos ang kamay ng lahat ng mga tao; at alisin mo ang kasamaan mula sa inyo. 8 Kung magkaroon ng napakahirap na bagay sa iyo sa paghatol—marahil ang isang katanungan ng pagpatay o aksidenteng kamatayan, ng karapatan ng isang tao at karapatan ng ibang tao o isang natatanging katanungan na masakit na nagawa o ibang uri ng bagay—mga bagay na pagtatalo sa loob ng tarangkahan ng inyong mga lungsod, pagkatapos dapat kayong umakyat doon sa lugar na pinili ni Yahweh na inyong Diyos bilang kaniyang santuwaryo. 9 Dapat kang pumunta sa mga pari, ang mga kaapu-apuhan ni Levi at sa mga hukom na naging tagasilbi ng panahong iyon, hahanapin mo ang kanilang mga payo at ibibigay nila sa inyo ang paghatol. 10 Dapat mong sundin ang batas na ibinigay sa inyo, sa lugar na pinili ni Yahweh bilang kaniyang santuwaryo. Mag-iingat kayo sa paggawa ng lahat ng bagay na kanilang pinapagawa sa inyo. 11 Sundin ninyo ang batas na kanilang tinuro sa inyo at gawin ayon sa mga pasya na kanilang ibibigay sa inyo. Huwag kayong lumihis mula sa kung ano ang sasabihin nila sa inyo, sa kanang kamay o sa kaliwa. 12 Sinuman sa inyo ang nagmamayabang, sa hindi pakikinig sa pari na tumatayo para magsilbi sa harapan ni Yahweh na inyong Diyos, o sa hindi nakikinig sa hukom—ang taong iyon ay mamamatay; aalisin ninyo ang masama mula sa Israel. 13 Dapat makarinig at matakot ang lahat ng mga tao at hindi na magmayabang kailanman. 14 Kapag dumating kayo sa lupain na ibibigay sa inyo ni Yahweh na iyong Diyos, at kapag aangkinin ninyo ito at magsimulang manirahan dito at pagkatapos sinabi ninyo, 'Magtatakda ako ng isang hari para sa aking sarili, tulad ng lahat ng mga bansa na nakapalibot sa akin,' 15 pagkatapos dapat ninyong tiyakin na magtakda bilang isang hari para sa inyong sarili, isang tao na siyang pipiliin ni Yahweh na inyong Diyos. Dapat kayong magtakda ng isang hari para sa inyong sarili, isang tao na mula sa inyong mga kapatid. Nawa'y hindi ka magtakda ng isang dayuhan, na hindi ninyo kapatid, para sa inyong sarili. 16 Pero hindi dapat siya magparami ng mga kabayo para sa kaniyang sarili o magdulot sa mga tao na bumalik sa Ehipto para sila ay magparami ng mga kabayo, dahil sinabi ni Yahweh sa inyo, 'Mula ngayon hindi na dapat kayo bumalik sa daang iyon.' 17 At hindi siya dapat magdagdag ng mga asawa para sa kaniyang sarili, para ang kaniyang puso ay hindi na tumalikod kay Yahweh; ni paramihin ng lubusan ng pilak o ginto. 18 Kapag siya ay nakaupo sa trono ng kaniyang kaharian, dapat siyang sumulat para sa kaniyang sarili sa isang balumbon ng isang kopya ng batas na ito, mula sa batas na mula sa mga pari, na mga Levita. 19 Ang balumbon ay dapat nasa kaniya at dapat niyang basahin ang laman nito sa lahat ng araw ng kaniyang buhay, para matutunan niyang parangalan si Yahweh na kaniyang Diyos, nang sa gayon mapanatili ang lahat ng mga salita ng kautusan at mga batas, para isagawa ang mga ito. 20 Dapat niyang gawin ito para hindi magmataas ang kaniyang puso sa kaniyang mga kapatid at para hindi siya lilihis mula sa mga kautusan, sa kanan man o sa kaliwa, para sa layunin na humaba ang kaniyang mga araw sa kaniyang kaharian, siya at kaniyang mga anak, sa Israel.

Chapter 18

1 Ang mga pari, na mga Levita, at ang lahat ng lipi ni Levi, ay walang bahagi ni pamana sa Israel; dapat nilang kainin ang mga handog kay Yahweh na gawa sa apoy bilang kanilang pamana. 2 Dapat wala silang pamana kasama ng kanilang mga kapatid na lalaki; si Yahweh ang kanilang pamana, gaya ng sinabi niya sa kanila. 3 Ito ang magiging bahagi ng mga nakatakdang pari mula sa mga tao, mula sa kanila na naghahandog ng isang alay, maging ito ay mga baka o tupa: dapat nilang ibigay sa pari ang balikat, ang dalawang pisngi, at ang mga lamanloob. 4 Ang mga unang bunga ng inyong butil, ng inyong bagong alak, at ng inyong langis, at ang unang balahibo ng inyong tupa, dapat ninyong ibigay sa kaniya. 5 Dahil pinili siya ni Yahweh na inyong Diyos mula sa lahat ng inyong lipi para tumayong maglingkod sa pangalan ni Yahweh, siya at ang kaniyang mga anak na lalaki magpakailanman. 6 Kung may isang Levita na dumating mula sa alinman sa inyong mga bayan na mula sa buong Israel kung saan siya namumuhay, at nagnanais ng buong kaluluwa na siya'y pumunta sa lugar na pipiliin ni Yahweh, 7 sa gayon dapat siyang maglingkod sa pangalan ni Yahweh na kaniyang Diyos gaya ng ginagawa ng lahat ng kaniyang kapatid na Levita, na siyang tumayo roon sa harapan ni Yahweh. 8 Dapat silang magkaroon ng parehong bahagi para kainin, bukod sa kung ano ang dumating mula sa pinagbilhan ng pamana ng kaniyang pamilya. 9 Kapag nakarating kayo sa lupaing ibibigay ni Yahweh na inyong Diyos sa inyo, hindi ninyo dapat matutunan ang mga kasuklam-suklam na bagay ng mga bansang iyon. 10 Walang dapat na makitang isa sa inyo na ginagawang padaanin ang kaniyang anak na lalaki o kaniyang anak na babae sa apoy, sinumang gumagawa ng panghuhula, sinumang nagsasanay ng hula, o alinmang mang-aakit, o alinmang mangkukulam, 11 alinmang manggagayuma, sinumang nakipag-usap sa patay, o sinumang nakikipag-usap sa mga espiritu. 12 Dahil ang sinumang gumagawa ng mga bagay na ito ay kasuklam-suklam kay Yahweh; dahil sa mga kasuklam-suklam na bagay na ito palalayasin sila ni Yahweh na inyong Diyos mula sa inyong harapan. 13 Wala dapat kayong bahid ng kasalanan sa harapan ni Yahweh na inyong Diyos. 14 dahil ang mga bansang ito na inyong sasakupin ay nakikinig sa mga taong gumagawa ng pangkukulam at panghuhula; pero para sa inyo, hindi kayo pinayagan ni Yahweh na inyong Diyos na gawin iyon. 15 Magtatatag si Yahweh na inyong Diyos ng isang propeta para sa inyo na mula sa inyo, isa sa inyong mga kapatid, katulad ko. Dapat kayong makinig sa kaniya. 16 Ito ang inyong hiningi mula kay Yahweh na inyong Diyos sa Horeb ng araw ng pagpupulong, sa pagsasabing, 'Huwag nating hayaang marinig muli ang boses ni Yahweh na ating Diyos, ni makita pa man ang malaking apoy na ito, o tayo ay mamamatay.' 17 Sinabi ni Yahweh sa akin, 'Ang kanilang sinabi ay mabuti. 18 Magtatatag ako ng isang propeta para sa kanila mula sa kanilang mga kapatid, na katulad mo. Ilalagay ko ang aking mga salita sa kaniyang bibig, at sasabihin niya sa kanila ang lahat ng iniutos ko sa kanila. 19 Mangyayari ito kung mayroong hindi makikinig sa aking mga salita na sinasabi niya sa aking pangalan, hihingin ko ito sa kaniya. 20 Pero ang propetang magsasalita nang may kayabangan sa aking pangalan, isang salita na hindi ko iniutos sa kaniya na sabihin, o magsalita sa pangalan ng ibang mga diyus-diyosan, ang propetang iyan ay dapat na mamatay.' 21 Kung sasabihin ninyo sa inyong puso, 'Paano natin makikilala ang isang mensahe na hindi sinabi ni Yahweh?'-- 22 kapag magsasalita ang isang propeta sa pangalan ni Yahweh, kung ang bagay na iyon ay hindi maganap ni mangyari, kung gayon iyon ay isang bagay na hindi sinabi ni Yahweh; sinasabi ito ng propeta ng may kayabangan, at hindi kayo dapat matakot sa kaniya.

Chapter 19

1 Kapag hiniwalay ni Yahweh na inyong Diyos ang mga bansa, iyong mga lupain na ibinibigay sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos, at kapag kayo ay dumating kasunod nila at nanirahan sa kanilang mga lungsod at mga bahay, 2 dapat kayong pumili ng tatlong lungsod para sa inyong sarili sa gitna ng inyong lupain na ibibigay ni Yahweh sa inyo para angkinin. 3 Dapat kayong gumawa ng isang daanan at hatiin ang mga hangganan ng inyong lupain sa tatlong bahagi, ang lupain na gagawin ni Yahweh na inyong Diyos na inyong manahin, para ang bawat isang nakapatay ng ibang tao ay maaaring tumakas doon. 4 Ito ang batas para sa isang nakapatay ng kapwa at siyang tumakas doon para mabuhay: sinumang nakapatay ng kaniyang kapitbahay ng hindi sinasadya, na hindi niya dating kinamuhian— 5 gaya nang isang taong pumunta sa kagubatan kasama ang kaniyang kapitbahay para pumutol ng kahoy, at ipapalo ang kaniyang kamay gamit ang palakol para pumutol ng isang puno, at nadulas ang ulo mula sa hawakan at tinamaan ang kaniyang kapitbahay kung kaya't namatay siya— kaya dapat na tumakas ang taong iyon sa isa sa mga lungsod na iyon at mabuhay. 6 Kung hindi maaaring habulin ng tagapaghiganti sa dugo kung sino ang kumitil sa buhay, at sa matinding galit maabutan siya dahil isang mahabang paglalakbay ito. At hinampas niya siya at pinatay, kahit na hindi karapat-dapat na mamatay ang taong iyon; at kaya't hindi siya karapat-dapat sa parusang kamatayan dahil hindi niya kinamuhian ang kaniyang kapit-bahay bago pa ito nangyari. 7 Kaya inuutos ko sa inyo na pumili ng tatlong lungosod para sa inyong sarili. 8 Kapag pinalawak ni Yahweh na inyong Diyos ang inyong mga hangganan, gaya ng kaniyang ipinangakong gagawin sa inyong mga ninuno, at ibibigay sa inyo ang lahat ng lupain na ipinangako niyang ibibigay sa inyong mga ninuno; 9 kung pananatilihin ninyo ang lahat ng mga utos na ito para gawin ang mga ito, na inuutos ko sa inyo ngayon—mga utos na ibigin si Yahweh na inyong Diyos at lumakad palagi sa kaniyang mga kaparaanan, sa gayon dapat kayong magdagdag ng tatlo pang lungsod para sa inyong sarili, bukod sa tatlong ito. 10 Gawin ito para hindi dumanak ang walang salang dugo sa gitna ng lupain na ibibigay ni Yahweh na inyong Diyos sa inyo bilang isang pamana, para walang dugo ng pagkakasala ang mapunta sa inyo. 11 Pero kung sinuman ang nagagalit sa kaniyang kapit-bahay, inabangan siya, mangibabaw laban sa kaniya, at malubha siyang sinugatan kung kaya't namatay siya, at kung tatakas siya papunta sa isa sa mga lungsod na iyon— 12 dapat magpadala ang mga nakatatanda ng kaniyang lungsod at dalhin siya pabalik mula roon, at ibigay siya sa kamay ng mapagkakatiwalaang kamag-anak, para mamatay siya. 13 Hindi dapat maawa ang inyong mata sa kaniya; sa halip, dapat ninyong pawiin ang dugo ng pagkakasala mula sa Israel, sa ikakabuti ninyo. 14 Hindi dapat ninyo alisin ang mga palatandaan sa lupa ng inyong kapitbahay na inilagay nila sa lugar ng mahabang panahon na ang nakalipas, sa inyong pamana na inyong mamanahin, sa lupaing ibibigay sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos para angkinin. 15 Hindi dapat mangibabaw laban sa isang tao ang isang tanging saksi para sa anumang kasalan, sa anumang bagay siya nagkasala; sa bibig ng dalawang saksi, o sa bibig ng tatlong saksi, dapat mapatunayan ang anumang bagay. 16 Ipagpalagay na nangibabaw ang hindi matuwid na saksi laban sa sinumang tao para magpatotoo laban sa kaniyang maling gawain. 17 Pagkatapos silang dalawa, kung sino sa pagitan nila ang may umiiral na pagtatalo, ay dapat tumayo sa harapan ni Yahweh, sa harapan ng mga pari at ng mga hukom na naglilingkod sa mga araw na iyon. 18 Dapat na gumawa ang mga hukom ng masigasig na pagtatanong; tingnan, kung ang saksi ay isang bulaang saksi at nagpahayag ng hindi totoo laban sa kaniyang kapatid, 19 kung gayon dapat ninyong gawin sa kaniya, ang nais niyang gawin sa kaniyang kapatid; at maaalis ninyo ang kasamaan mula sa inyo. 20 Pagkatapos silang mga naiwan ay makakarinig at matatakot, at mula sa panahong iyon hindi na gagawa pa ng anumang kasamaan sa gitna ninyo. 21 Hindi dapat maawa ang inyong mga mata; buhay ang ibabayad para sa buhay, mata para sa mata, ngipin para sa ngipin, kamay para sa kamay, paa para sa paa.

Chapter 20

1 Kapag martsa na kayo para makipagdigma laban sa inyong mga kaaway, at nakakita ng mga kabayo, mga karwaheng pandigma, at maraming bilang ng tao kaysa inyo, hindi dapat kayo matakot sa kanila; dahil si Yahweh na inyong Diyos ay kasama ninyo, na siyang nagdala sa inyo palabas sa lupain ng Ehipto. 2 Kapag kayo ay malapit na sa digmaan, dapat na lumapit ang pari at magsalita sa mga tao, 3 at sabihin sa kanila, 'Makinig kayo, Israel, malapit na kayo ngayon sa digmaan laban sa inyong mga kaaway; huwag kayong panghinaan ng loob; huwag kayong matakot, ni manginig, ni matakot sa kanila; 4 dahil si Yahweh na inyong Diyos ang siyang sasama sa ninyo para ipaglaban kayo laban sa inyong mga kaaway at para kayo ay iligtas.' 5 Dapat makipag usap ang mga opisyal sa mga tao at sabihing, 'Anong lalaki ang naroon na nagtayo ng isang bagong bahay at hindi ito inihinandog? Hayaan mo siyang umalis at bumalik sa kaniyang tahanan, para hindi siya mamatay sa labanan at ibang tao ang maghandog nito. 6 Anong lalaki ang naroon na siyang nagtanim ng isang ubasan at hindi nagamit ang bunga nito? Hayaan mo siyang umalis at bumalik sa kaniyang bahay, para hindi siya mamatay sa labanan at ibang lalaki ang gagamit ng bunga nito. 7 Anong lalaki ang naroon na siyang nakatakdang ipakasal sa isang babae pero hindi pa niya pinakasalan? Hayaan mo siyang umalis at bumalik sa kaniyang bahay para hindi siya mamatay sa labanan at ibang lalaki ang mapangasawa niya.' 8 Ang mga opisyal ay dapat pang magsalita sa mga tao at sabihing, 'Anong lalaki ang naroon na siyang natatakot o naduduwag? Hayaan siyang umalis at bumalik sa kaniyang bahay, para ang puso ng kaniyang kapatid ay hindi matunaw tulad ng kaniyang sariling puso.' 9 Kapag natapos ng magsalita ang mga opisyal sa mga tao, dapat silang magtalaga ng mga mamumuno sa kanila. 10 Kapag kayo ay nagmartsa para salakayin ang isang lungod, gumawa ng isang handog ng pangkapayapaan sa mga taong iyon. 11 Kung tanggapin nila ang inyong alok at buksan ang kanilang mga tarangkahan, lahat ng mga taong matagpuan rito ay dapat sapilitang magtrabaho para sa inyo at dapat na maglingkod sa inyo. 12 Pero kung walang mag-alok ng kapayapaan sa inyo, sa halip ay makipagdigmaan laban sa inyo, kung ganun dapat ninyo itong salakayin, 13 at kapag ibinigay na sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos ang tagumpay at ilagay sila sa ilalim ng inyong pamamahala, dapat ninyong patayin ang bawat lalaki sa bayan. 14 Pero ang mga kababaihan, ang mga bata, mga baka, at lahat ng bagay na nasa lungsod, at lahat ng mapapakinabangan nito, kunin bilang inyo samsam ang lahat ng ito para sa iyong sarili. Gamitin ninyo ang nasamsam mula sa inyong mga kaaway, na siyang si Yahweh na inyong Diyos ang nagbigay sa inyo. 15 Dapat kayong kumilos sa ganitong paraan tungo sa lahat ng mga lungsod na sadyang malayo mula sa inyo, mga lungsod na hindi nabibilang sa mga lungsod na sumusunod sa mga bansang ito. 16 Sa mga lungsod ng mga taong ito na ibibigay ni Yahweh na inyong Diyos bilang isang pamana, wala dapat kayong ililigtas ng buhay sa mga humihinga. 17 Sa halip, ganap ninyo silang wasakin: ang Heteo, ang Amoreo, ang Cananeo, ang Perezeo, Heviteo, at ang Jebuseo, tulad ng inutos ni Yahweh na inyong Diyos. 18 Gawin ninyo ito para hindi nila kayo turuang kumilos sa alinmang mga kasuklam-suklam na paraan, na ginawa nila sa kanilang mga diyus-diyusan. Kung gagawin ninyo, magkakasala kayo laban kay Yahweh na inyong Diyos. 19 Kapag sasalakayin ninyo ang isang lungsod sa mahabang panahon, sa pakikipaglaban ninyo dito para makuha ito, hindi ninyo dapat sirain ang mga puno nito sa pagputol gamit ang palakol laban sa kanila. Dahil maaari kayong kumain mula sa mga ito, kaya hindi ninyo dapat sila putulin. Dahil ang puno ba sa bukid ay ang taong dapat ninyong salakayin? 20 Ang mga puno lamang na alam ninyong punong hindi makakain, ang maaari ninyong wasakin at putulin; magtatayo kayo ng mga kuta laban sa lungsod na nakikipag digma sa inyo, hanggang ito ay bumagsak.

Chapter 21

1 Kung may isang taong natagpuang pinatay sa lupain na ibibigay ni Yahweh na inyong Diyos sa inyo para angkinin, na nakahiga sa bukid, at hindi matukoy kung sino ang sumalakay sa kaniya; 2 sa gayon dapat lumabas ang inyong mga nakatatanda at inyong mga hukom, at dapat silang mag sukat sa mga lungsod na nakapalibot sa kaniya na siyang pinatay. 3 At ang lungsod na pinakamalapit sa taong pinatay—dapat kumuha ang mga nakatatanda nito ng isang dumalagang baka mula sa mga hayop, isa na hindi pa pinagtrabaho, na hindi pa nalagyan ng pamatok. 4 Dapat magdala ang mga nakatatanda ng lungod na iyon ng dumalagang baka pababa sa isang lambak na may umaagos na tubig, isang lambak na hindi pa na aararo ni tinaniman, at dapat baliin ang leeg ng dumalagang baka doon sa lambak. 5 Dapat lumapit ang mga pari, mga kaapu-apuhan ni Levi, dahil sila ang pinili ni Yahweh na inyong Diyos para paglingkuran siya at para pagpalain ang mga tao sa pangalan ni Yahweh; makinig sa kanilang mga payo, dahil ang kanilang salita ang magiging pasya sa bawat pagtatalo at kaso ng pagsalakay. 6 Dapat hugasan ng lahat ng nakatatanda ng lungsod na pinakamalapit sa taong pinatay ang kanilang mga kamay sa ibabaw ng dumalagang baka na binali ang leeg sa may lambak; 7 at dapat silang sumagot sa kaso at sabihin, 'Hindi ang aming mga kamay ang nagpadanak ng dugong ito, ni hindi ito nakita ng aming mga mata. 8 Yahweh, Patawarin mo ang iyong mga tao sa Israel na iyong iniligtas, at ipawalang sala para sa inosenteng pagdanak ng dugo sa kalagitnaan ng iyong bayang Israel.' Pagkatapos papatawarin sila sa pagdanak ng dugo. 9 Sa ganitong paraan aalisin mo ang inosenteng dugo mula sa inyong kalagitnaan, kung gagawin ninyo kung ano ang tama sa mga mata ni Yahweh. 10 Kapag kayo ay lalabas para makipagdigma laban sa inyong mga kaaway at ibinigay sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos ang tagumpay at inilagay sila sa ilalim ng inyong pamamahala, dapat ninyo silang dalhin bilang mga bihag. 11 Kung may makita kayo sa mga bihag na isang magandang babae, at nagkagusto kayo sa kaniya at ninais ninyo siyang kunin para maging sarili ninyong asawa, 12 pagkatapos iuuwi ninyo siya sa inyong bahay, aahitan niya ang kaniyang ulo at puputulin ang kaniyang mga kuko. 13 Huhubarin niya ang suot-suot niyang mga damit nang siya ay bihagin, at siya ay mananatili sa inyong tahanan at magluluksa para sa kaniyang ama at kaniyang ina ng isang buong buwan. Pagkatapos nito maaari ka nang matulog kasama niya at magiging kaniyang asawa, at siya ay magiging iyong asawa. 14 Pero kung hindi ka nalugod sa kaniya, hayaan ninyo nalang siyang pumunta kung saan niya hilingin. Pero hindi ninyo siya dapat na ipagbili para lamang sa pera, at huwag ninyo siyang ituring na parang isang alipin, dahil ipinahiya ninyo siya. 15 Kung ang isang lalaki ay may dalawang asawa, isang minamahal at isang kinasusuklaman, at pareho silang may mga anak sa kaniya— pareho sa minamahal na asawa at ang kinasusuklamang asawa—kung ang panganay na lalaking anak ay sa nasa kinasusuklaman, 16 sa gayon sa araw na ang lalaki ay magbibigay ng pamana sa kaniyang mga anak na lalaki na kanilang magiging pag-aari, hindi niya maaring gawin ang anak na lalaki sa minamahal na asawa na maging panganay na anak bago ang anak na lalaki sa kinasusuklamang asawa, ang siyang tunay na panganay na anak na lalaki. 17 Sa halip, dapat niyang kilalanin ang panganay, ang anak na lalaki ng asawang kinasusuklaman, sa pamamagitan ng pagbibigay sa kaniya ng dobleng bahagi ng lahat ng kaniyang pag-aari; dahil ang anak na lalaking iyon ang simula ng kaniyang lakas; ang karapat ng unang anak ay pag aari niya. 18 Kung ang isang lalaki ay may isang anak na lalaki na matigas ang ulo at suwail na hindi sumusunod sa boses ng kaniyang ama o sa boses ng kaniyang ina, at sinuman, kahit na siya ay kanilang itinutuwid, hindi nakikinig sa kanila; 19 sa gayon dapat lamang siyang pigilan ng kaniyang ama at kaniyang ina at dalhin siya palabas sa mga nakatatanda ng kaniyang lungsod at sa tarangkahan ng kaniyang siyudad. 20 Dapat nilang sabihin sa mga nakatatanda sa kaniyang lungsod, 'Ang aming anak na lalaking ito ay matigas ang ulo at suwail; hindi siya sumusunod sa aming boses; siya ay isang matakaw at isang lasenggo.' 21 Pagkatapos ang lahat ng kalalakihan sa kaniyang lungsod ay dapat batuhin siya hanggang mamatay gamit ang mga bato; at maaalis ninyo ang kasamaan mula sa inyo. Maririnig ito ng buong Israel at matatakot. 22 Kung ang isang tao ay nakagawa ng isang kasalanan na karapat dapat para sa kamatayan at patayin siya, at ibitin ninyo siya sa isang puno, 23 sa gayon ang kaniyang katawan ay hindi dapat manatili ng buong gabi sa puno. Sa halip, dapat ninyo tiyakin at ilibing siya sa araw ding iyon; sapagka't sinumang ibinitin ay isinumpa ng Diyos. Sundin ang kautusang ito ng sa ganoon hindi ninyo madungisan ang lupain na ibinigay ni Yahweh na inyong Diyos bilang isang pamana.

Chapter 22

1 Hindi dapat ninyo pabayaan ang lalaking baka ng inyong kapwa Israelita o ang kaniyang tupa ay naligaw at itago ang inyong sarili mula sa kanila; dapat tiyakin ninyong isauli ito sa kaniya. 2 Kung ang kapwa ninyo Israelita ay hindi malapit sa inyo, o hindi ninyo siya kilala, kung gayon iuwi ninyo ang hayop sa inyong tahanan, at ito ay dapat nasa sa inyo hanggang hanapin niya ito, at pagkatapos ito ay dapat ibalik ninyo sa kaniya. 3 Kailangan gawin din ninyo ito sa kaniyang asno; kailangan gawin rin ninyo ito sa kaniyang damit; kailangan gawin rin ninyo ito sa bawat nawawalang bagay ng inyong kapwa Israelita, anumang bagay na kaniyang nawala at inyong nakita; hindi ninyo maaaring itago sa inyong sarili. 4 Hindi ninyo dapat masdan lang ang asno ng inyong kasamahang Israelita o ang kaniyang natumbang lalaking baka sa daan at itago ang inyong sarili mula sa kanila; dapat tiyakin ninyong tulungan siya para muling ibangon ito. 5 Ang isang babae ay hindi dapat magsuot ng kung anong may kinalaman sa isang lalaki, at ni ang isang lalaki ay magsuot ng pambabaeng kasuotan; dahil kung sinuman ang gagawa ng mga bagay na ito ay isang bagay na kasuklam-suklam para kay Yahweh na inyong Diyos. 6 Kung ang isang pugad ng ibon ay mangyaring nasa inyong harapan sa daanan, sa anumang punong kahoy sa lupa, na may mga inakay o mga itlog sa loob nito, at ang inang ibon na naglilimlim sa inakay o sa ibabaw ng mga itlog, hindi ninyo dapat kunin ang inang ibon kasama ang inakay. 7 Dapat tiyakin ninyong pakawalan ang inang ibon, pero ang inakay ay maaring ninyong kunin sa inyong sarili. Sundin ang utos na ito para maging mabuti sa inyo, at para mapahaba ninyo ang inyong mga araw. 8 Kapag kayo ay nagpatayo ng isang bagong bahay, kung gayon dapat gumawa kayo ng isang barandilya para sa inyong bubong, para hindi kayo magdala ng dugo sa inyong bahay, kung sinuman ang mahuhulog mula doon. 9 Dapat hindi kayo magtanim sa inyong ubasan ng dalawang uri ng buto, para ang buong ani ay hindi kunin ng banal na lugar, ang buto na inyong hinasik at ang bunga ng ubasan. 10 Hindi dapat kayo mag-araro kasama ang isang lalaking baka at isang asno ng magkasama. 11 Hindi dapat kayo magsuot ng tela na gawa sa lana at lino ng magkasama. 12 Dapat gawan ninyo ang inyong sarili ng mga palawit sa apat na mga sulok ng balabal na inyong isusuot. 13 Ipagpalagay na ang isang lalaki ay kumuha ng isang asawa, at sinipingan niya, 14 at pagkatapos ay kinamuhian niya, at pinaratangan niya ng nakakahiyang mga bagay at naglagay ng isang masamang reputasyon sa kaniya, at sasabihing, 'Kinuha ko itong babae, pero nang sinipingan ko siya, natuklasan kong wala siyang katibayan sa kaniyang pagkabirhen' 15 Pagkatapos ang ama at ina ng babae ay dapat magpakita ng katunayan ng kaniyang pagkabirhen sa mga nakatatanda sa lungsod. 16 Ang ama ng dalaga ay dapat magsalita sa mga nakatatanda, 'Ibinigay ko ang aking anak na babae sa lalaking ito bilang isang asawa, at siya ay kinamuhian niya. 17 Tingnan ninyo, siya ay pinaratangan niya ng nakakahiyang mga bagay at sinabi, "Wala akong nakitang katibayan sa pagkabirhen ng inyong anak na babae"—gayon pa man ito ay nagpapatunay sa pagkabirhen ng aking anak na babae.' At pagkatapos ilalatag nila palabas ang damit sa harapan ng mga nakatatanda ng lungsod. 18 Ang mga nakatatanda sa lungsod na iyon ay dapat kunin ang lalaking iyon at siya ay parusahan; 19 at pagmultahin ng isang daang shekel ng pilak, at ibigay ang mga ito sa ama ng babae, dahil nilagyan ng lalaki ng isang masamang kapurihan ang isang birhen ng Israel. Dapat siya ay maging kaniyang asawa; hindi niya maaaring palayasin siya sa buong buhay niya. 20 Pero kung ang bagay na ito ay totoo, na ang katibayan ng pagkabirhen ay hindi nakita sa babae, 21 kung gayon kailangan nilang dalhin palabas ang babae sa pintuan ng bahay ng kaniyang ama, at ang mga lalaki ng kaniyang lungsod ay dapat siyang batuhin, hanggang siya ay mamatay, dahil siya ay gumawa ng isang nakakahiyang asal sa Israel, na umasal gaya ng isang bayarang babae sa bahay ng kaniyang ama; at aalisin ninyo ang kasamaan mula sa inyo. 22 Kung ang isang lalaki ay nakitang sumiping sa isang babae na kasal na sa ibang lalaki, kung gayon silang dalawa ay dapat mamatay, ang lalaking sumiping sa babae, at ang babae mismo; dapat alisin ninyo ang kasamaan mula sa inyo. 23 Kung may isang dalagang isang birhen, may kasunduang ipakakasal sa isang lalaki, at may ibang lalaking nakakita sa kaniya sa lungsod at sumiping sa kaniya, 24 dalhin silang dalawa sa tarangkahan ng lungsod, at sila ay babatuhin hanggang mamatay. Dapat ninyong batuhin ang babae, dahil hindi siya sumigaw, kahit siya ay nasa lungsod. Dapat ninyong batuhin ang lalaki, dahil nilapastangan niya ang asawa ng kaniyang kapwa; at aalisin ninyo ang kasamaan na mula sa inyo. 25 Pero kung makita ng lalaki sa bukid ang babae na may kasunduan ikakasal, at sinunggaban niya ito at sinipingan, kung gayon tanging ang lalaking sumiping sa kaniya ang dapat mamatay. 26 Pero sa dalaga, wala kayong dapat gawin; walang kasalanan na kamatayan ang nararapat sa dalaga. Dahil ang kasong ito ay katulad nang isang lalaking umatake sa kaniyang kapwa at pinatay niya. 27 Dahil siya ay nakita niya sa bukid; sumigaw ang babaeng may kasunduang ipakakasal, pero wala doon ni isa para siya ay iligtas. 28 Kung makakita ang isang lalaki ng isang dalaga na isang birhen pero walang pang kasunduang ipakakasal, at kung siya ay sinunggaban niya at sinipingan, at kung sila ay natuklusan, 29 sa gayon ang lalaking sumiping sa kaniya ay dapat magbigay ng limampung mga shekel na pilak sa ama ng babae, at siya ay dapat maging kaniyang asawa, dahil ipinahiya niya siya. Hindi niya maaaring palayasin siya sa buong buhay niya. 30 Hindi dapat kunin ng isang lalaki ang asawa ng kaniyang ama bilang sa kaniya; hindi niya dapat kunin ang karapatan ng pag-aasawa ng kaniyang ama.

Chapter 23

1 Sinumang lalaki na ang kanilang mga pribadong bahagi ay nadurog o naputol ay hindi maaaring mapabilang sa kapulungan ni Yahweh. 2 Walang anak sa labas ang maaaring mapabilang sa kapulungan ni Yahweh; hanggang sa ikasampung salinlahi ng kaniyang mga kaapu-apuhan, wala sa kanila ang maaaring mapabilang sa kapulungan ni Yahweh. 3 Isang Ammonita o isang Moabita ay hindi maaaring mapabilang sa kapulungan ni Yahweh; hanggang sa ikasampung salinlahi ng kaniyang mga kaapu-apuhan, wala sa kanila ang maaaring mapabilang sa kapulungan ni Yahweh. 4 Ito ay dahil hindi nila kayo sinalubong ng may tinapay at tubig sa daan, noong kayo ay lumabas sa Ehipto, at dahil inupahan nila laban sa inyo si Balaam ang anak na lalaki ni Beor mula Petor sa Aram Naharaim, para sumpain kayo. 5 Pero si Yahweh na inyong Diyos ay hindi nakinig kay Balaam; sa halip, si Yahweh na inyong Diyos ay ginawa pagpapala ang mga sumpa para sa inyo, dahil si Yahweh na inyong Diyos ay minahal kayo. 6 Hindi ninyo dapat hanapin ang kanilang kapayapaan o kaunlaran, sa lahat ng inyong araw. 7 Hindi ninyo dapat kamuhian ang isang Edomita, dahil siya ay kapwa ninyo Israelita; hindi ninyo dapat kasuklaman ang isang taga-Ehipto, dahil kayo ay dating isang dayuhan sa kaniyang lupain. 8 Ang mga kaapu-apuhan ng ikatlong salinlahi na isinilang sa kanila ay maaaring mapabilang sa kapulungan ni Yahweh. 9 Kapag kayo ay maglalakad bilang isang hukbo laban sa inyong mga kaaway, dapat ninyong bantayan ang inyong mga sarili mula sa masasamang bagay. 10 Kung mayroon man sa inyong isang lalaki na marumi dahil sa nangyari sa kaniya kinagabihan, dapat siyang lumabas sa kampo ng mga sundalo; hindi siya dapat bumalik sa kampo. 11 Kapag sumapit na ang gabi, dapat niyang paliguan ang kaniyang sarili sa tubig, kapag lumubog na ang araw, maaari na siyang bumalik sa loob ng kampo. 12 Dapat kayong magkaroon ng isang lugar sa labas ng kampo kung saan maaari kayong pumunta; 13 at magkaroon kayo sa inyong mga kagamitan ng magagamit panghukay; kapag kayo ay tumingkayad para maginhawaan ang inyong sarili, dapat kayong maghukay gamit ito at pagkatapos ay lagyan muli ng lupa para takpan ang anumang lumabas mula sa inyo. 14 Dahil si Yahweh na inyong Diyos ay naglalakad sa gitna ninyo para bigyan kayo ng tagumpay at ibigay ang inyong mga kalaban sa inyo. Kaya dapat ninyong gawing banal ang kampo, nang sa ganun wala siyang makitang maruming bagay sa inyo at tumalikod mula sa inyo. 15 Hindi ninyo dapat ibalik sa kaniyang amo ang isang alipin na tumakas mula sa kaniyang amo. 16 Hayaan ninyo siyang manirahan kasama ninyo, sa anumang bayan na kaniyang pipiliin. Huwag ninyo siyang pahirapan. 17 Hindi dapat magkaroon ng bayarang babae sa sinuman sa mga anak na babae ng Israel, ni hindi dapat magkaroon ng bayarang lalaki sa mga anak na lalaki ng Israel. 18 Hindi dapat kayo magdala ng mga kabayaran sa isang bayarang babae, o mga kabayaran sa isang bayarang lalaki, sa bahay ni Yahweh na inyong Diyos sa anumang panata; dahil ang dalawang bagay na ito ay kasuklamsuklam kay Yahweh na inyong Diyos. 19 Hindi dapat kayo magpahiram ng may tubo sa kapwa ninyo Israelita—tubo sa pera, tubo sa pagkain, o tubo sa kahit na anong pinapahiram na may tubo. 20 Sa isang dayuhan ay maaari kayong magpahiram ng may tubo; pero sa inyong kapwa Israelita ay hindi kayo dapat magpahiram ng mayroong tubo, para pagpalain kayo ni Yahweh na inyong Diyos sa lahat ng paglagyan ng inyong kamay, sa lupain kung saan ay inyong aangkinin. 21 Kapag kayo ay gumawa ng panata kay Yahweh na inyong Diyos, hindi dapat kayo matagal sa pagtupad nito, dahil si Yahweh na inyong Diyos ay tiyak hihingiin ito sa inyo; magiging kasalanan ito kapag hindi ninyo ito tutuparin. 22 Pero kung pipigilan ninyo ang inyong sarili sa pag-gawa ng isang panata, ito ay hindi na magiging kasalanan sa inyo. 23 Ang lumabas sa inyong mga labi ay dapat ninyong tuparin at gawin; ayon sa inyong naipanata kay Yahweh na inyong Diyos, anumang bagay na malaya ninyong naipangako sa pamamagitan ng inyong bibig. 24 Kapag kayo ay pumunta sa ubasan ng inyong kapitbahay, maaari kayong kumain ng dami ng mga ubas hanggang sa nais ninyo, Pero huwag kayong maglagay ng ilan man sa inyong buslo. 25 Kapag kayo ay pumunta sa hinog na bunga ng inyong kapitbahay, maaari ninyong pitasin ang mga ulo ng butil sa pamamagitan ng inyong kamay, pero huwag ninyong lagyan ng karit sa hinog na butil ng inyong kapitbahay.

Chapter 24

1 Kapag ang isang lalaki ay kumuha ng isang asawa at pinakasalan niya, kung wala siyang nakitang pabor sa kaniyang mga mata dahil nakakita siya ng hindi angkop na bagay sa kaniya, dapat siyang sumulat ng liham ng pagkakahiwalay, ilagay ito sa kaniyang kamay at palabasin siya sa kaniyang bahay. 2 Kapag siya umalis sa kaniyang bahay, maaari siyang umalis at maging asawa ng ibang lalaki. 3 Kung ang pangalawang asawang lalaki ay napoot sa kaniya at sinulatan siya ng isang kasulatan ng paghihiwalay, inilalagay ito sa kaniyang kamay at pinaalis niya sa kaniyang bahay; o kung namatay ang pangalawang asawang lalaki, ang lalaking kumuha sa kaniya para magiging kaniyang asawa— 4 pagkatapos ang kaniyang dating asawa na unang nagpalayas sa kaniya, maaaring hindi niya ito tanggapin na kaniyang asawa, matapos na siya'y maging marumi, dahil iyon ay hindi kalugod-lugod sa harapan ni Yahweh. Hindi ka dapat na magdulot sa lupain na maging makasalanan, ang lupain na ibibigay ni Yahweh na inyong Diyos bilang isang pamana. 5 Kapag ang lalaki ay kumuha ng bagong asawa, hindi siya sasama sa labanan kasama ang hukbo, ni utusan ng sapilitang tungkulin; siya ay malaya na nasa kaniyang bahay sa loob ng isang taon at magpapasaya sa kaniyang asawa na kaniyang kinuha. 6 Walang tao ang maaaring kumuha ng gilingan o sa mataas na gilingang bato bilang isang sangla, dahil iyon ay pagkuha ng buhay ng taoo bilang kasunduan. 7 Kung ang isang tao ay natagpuang dinudukot ang sinuman sa kaniyang mga kapatid mula sa bayan ng Israel at pinakitunguhan niya bilang isang alipin at binenta siya, ang magnanakaw na iyon ay dapat mamatay; at alisin ninyo ang kasamaan sa inyo. 8 Pakinggang mabuti ang tungkol sa anumang sakit ng ketong, sa gayon bigyan ninyo ng mainamn na pansin at sumunod sa bawat tagubilin sa inyo ng mga pari, na mga levita, na nagturo sa inyo; ayon sa iniutos ko sa kanila, para kayo ay kumilos. 9 Isaisip kung ano ang ginawa ni Yahweh na iyong Diyos kay Miriam, nang kayo'y lumabas sa Ehipto. 10 Kapag ikaw ay magpapahiram sa inyong kapitbahay ng anumang uri ng utang, huwag kayong papasok sa kaniyang bahay para kunin ang kaniyang inutang. 11 Ikaw ay tatayo sa labas at ang taong inyong pinahiram ay dadalhin sa labas ang uinutang niya sa inyo. 12 Kung siya ay isang taong mahirap, huwag kayong matulog sinangla niya na nasa inyong pag-aari. 13 Kapag lumubog ang araw, siguraduhing isuli sa kaniya ang sinangla niya sa paglubog ng araw, para siya ay makatulog sa kaniyang balabal at pagpalain ka, ito ay magiging matuwid sa harapan ni Yahweh na iyong Diyos. 14 Hindi dapat ninyo pahirapan ang isang inuupahang lingkod na mahirap at nangangailangan, maging siya ay kapwa mong mga Israelita, o mga dayuhan na nasa inyong lupain sa loob ng tarangkahan ng inyong lungsod; 15 Bawat araw dapat ninyo ibigay sa kaniya ang kaniyang sahod, dapat hindi lulubog ang araw na hindi siya mabayaran, dahil siya ay mahirap at umaasa dito. Gawin ito para hindi siya dumaing kay Yahweh laban sa inyo at hindi ito magiging kasalanan na iyong nagawa. 16 Hindi dapat patayin ang mga magulang para sa kanilang mga anak, ni ang mga anak ay papatayin para sa kanilang mga magulang; sa halip, bawat isa ay dapat patayin para sa sariling nilang kasalanan. 17 Huwag ninyong piliting ilayo ang hustisya na nararapat sa dayuhan o as ulila, o kunin ang damit ng balo bilang kabayaran sa utang. 18 Sa halip, dapat ninyong isaisip na kayo ay isang alipin sa Ehipto at si Yahweh na inyong Diyos ay iniligtas kayo mula doon. Samakatuwid, tinuturuan ko kayo na sumunod sa utos na ito. 19 Kapag kayo ay mag-aani sa inyong bukid at nakalimot kayo ng isang bigkis sa bukid, hindi na dapat ninyo kunin ito, para na ito sa mga dayuhan, sa mga ulila, o sa balo, para pagpalain kayo ni Yahweh na inyong Diyos sa lahat ng gawain ng inyong mga kamay. 20 Kapag inalog niyo ang puno ng olibo, dapat hindi na ninyo babalikang muli ang mga sanga, para na ito sa mga dayuhan, sa mga ulila, o sa balo. 21 Kapag pinagtipon-tipon ninyo ang mga ubas sa inyong ubasan, hindi mo na dapat pulutin ang nasa likuran mo, ito ay para na sa dayuhan, sa mga ulila, o sa balo. 22 Dapat ninyong isaisip na kayo ay naging isang alipin sa lupain ng Ehipto; kaya't itinuturo ko sa inyo na sundin ang utos na ito.

Chapter 25

1 Kung may pagtatalo sa pagitan ng mga tao at pumunta sila sa hukuman, at hinatulan sila ng mga hukom, sa gayon ay pawawalang sala nila ang matuwid at parurusahan ang masama. 2 Kung ang maysala ay nararapat hampasin, sa gayon padadapain siya ng hukom at hahampasin sa kanilang presensya sa dami ng iniutos na palo, ayon sa kaniyang krimen. 3 Maaari siyang bigyan ng hukom ng apatnapung palo, pero hindi siya dapat lumampas sa bilang na iyon; dahil kung lalampas siya sa bilang na iyon at hampasin siya ng higit na maraming palo, sa gayon ay mapapahiya ang kapwa ninyo Israelita sa inyong harapan. 4 Hindi dapat ninyo busalan ang lalaking baka kapag siya ay naggigiik ng butil. 5 Kung ang magkapatid na lalaki ay magkasamang namumuhay at namatay ang isa sa kanila, na hindi nagkaroon ng anak, sa gayon ang asawa ng namatay na lalaki ay hindi dapat ipakasal sa ibang tao sa labas ng pamilya. Sa halip, ang kapatid ng kaniyang asawa ay dapat siyang sipingan at kunin siya sa kaniyang sarili bilang kaniyang asawa, at gawin ang tungkulin ng kaniyang kapatid bilang asawa niya. 6 Para ang unang niyang ipanganak ang papalit sa pangalan ng namatay na kapatid ng lalaking iyon, para ang pangalan niya ay hindi maglaho mula sa Israel. 7 Pero kung ang lalaki ay hindi nais kunin ang asawa ng kaniyang kapatid para sa kaniyang sarili, kung gayon ang asawa ng kapatid ay dapat umakyat sa tarangkahan sa mga nakatatanda at sabihin, 'Ang kapatid ng aking asawa ay tumatangging tumayo para sa pangalan ng kaniyang kapatid sa Israel; ayaw niyang gampanan ang tungkulin ng isang kapatid ng asawa para sa akin.' 8 Pagkatapos ang mga nakatatanda ng kaniyang lungsod ay dapat siyang tawagin at kausapin siya. Pero ipagpalagay na magpumilit siya at sabihin, Hindi ko nais na kunin siya.' 9 Sa gayon ang asawa ng kapatid niya ay dapat pumunta sa kaniya sa presensya ng mga nakatatanda, hubarin ang kaniyang sandalyas mula sa kaniyang paa, at duraan ang kaniyang mukha. Dapat niya siyang sagutin at sabihan, 'Ito ang ginagawa sa lalaking hindi itataguyod ang bahay ng kaniyang kapatid.' 10 Ang kaniyang pangalan ay tatawagin sa Israel, 'Ang bahay niya na ang sandalyas ay hinubad.' 11 Kung ang mga lalaki ay mag-away, at ang asawa ng isa ay dumating para ipagtanggol ang kaniyang asawa mula sa kamay niya na humampas sa kaniya, at kung iunat niya ang kaniyang kamay at hawakan siya sa mga pribadong bahagi, 12 sa gayon ay dapat ninyong putulin ang kaniyang kamay; ang inyong mata ay hindi dapat maawa. 13 Hindi dapat kayo magkaroon sa inyong lalagyan ng magkakaibang timbangan, isang malaki at isang maliit. 14 Hindi dapat kayo magkaroon sa inyong bahay ng magkakaibang sukatan, isang malaki at isang maliit. 15 Isang ganap at tapat na timbangan ang dapat mayroon kayo; isang ganap at tapat na sukatan ang dapat mayroon kayo, para humaba ang inyong mga araw sa lupaing ibinibigay sa inyo ni Yahweh. 16 Dahil ang lahat ng gumagawa ng mga bagay na iyon, lahat ng kumikilos nang hindi matuwid, ay isang kasuklam-suklam kay Yahweh na inyong Diyos. 17 Isaisip kung ano ang ginawa sa inyo ng taga-Amalek sa daan habang palabas kayo mula sa Ehipto, 18 kung paano niya kayo sinalubong sa daan at sinalakay kayo sa likuran, lahat na mahina sa inyong likuran, nang kayo ay nanghina at pagod; hindi niya pinarangalan ang Diyos. 19 Kaya, kapag binigyan kayo ni Yahweh na inyong Diyos ng pahinga mula sa lahat ng inyong mga kaaway na nakapalibot, sa lupain na ibibigay ni Yahweh na inyong Diyo para angkinin bilang isang pamana, hindi dapat ninyo kalimutan na dapat ninyong pawiin ang alaala ng taga-Amalek mula sa silong ng langit.

Chapter 26

1 Kapag dumating kayo sa lupaing ibinibigay sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos bilang pamana, at naangkin na ninyo iyon at nanirahan doon, 2 sa gayon dapat ninyong kunin ang ilan sa lahat ng mga naunang ani sa lupain na dinala ninyo mula sa lupaing ibinibigay sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos. Dapat ninyong ilagay iyon sa basket at pumunta sa lugar na pipiliin ni Yahweh na inyong Diyos na kaniyang santuwaryo. 3 Dapat kayong pumunta sa pari na naglilingkod sa mga araw na iyon at sabihin sa kaniya, 'Kinikilala ko ngayon si Yahweh na iyong Diyos kaya pumarito ako sa lupaing ipinangako ni Yahweh sa ating mga ninuno na ibibigay sa atin.' 4 Kukunin ng pari ang basket mula sa inyong kamay at ilalagay ito sa harapan ng altar ni Yahweh na inyong Diyos. 5 Dapat ninyong sabihin sa harapan ni Yahweh na inyong Diyos, 'Ang aking ninuno ay isang pagala-galang Arameo. Bumaba siya sa Ehipto at nanatili roon, at ang kaniyang lahi ay kakaunti ang bilang. Doon siya ay naging dakila, malakas at mataong bansa. 6 Ang mga taga-Ehipto ay pinakitunguhan kami ng masama at pinahirapan kami. Pinagawa nila sa amin ang gawain ng mga alipin. 7 Humingi kami ng tulong kay Yahweh, ang Diyos ng aming mga ama, at narinig niya ang aming boses at nakita ang aming paghihirap, ang aming trabaho, at ang aming pagtitiis sa hirap. 8 Inilabas kami ni Yahweh mula sa Ehipto na may makapangyarihang kamay, nang pagpapakita ng kaniyang kapangyarihan, na labis na nakakatakot, na may mga tanda, at mga kamangha-manghang bagay; 9 at dinala kami sa lugar na ito at ibinigay sa amin ang lupaing ito, isang lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot. 10 Ngayon tingnan, dinala ko ang unang ani ng lupain sa iyo Yahweh, na nagbigay sa akin.' Dapat ninyong ilagay ito sa harapan ni Yahweh na inyong Diyos at siya'y sambahin sa kaniyang harapan; 11 at dapat kayong magsaya sa lahat ng mabuting ginawa ni Yahwen na inyong Diyos para sa inyo, para sa inyong tahanan—kayo, at ang Levita, at ang dayuhang kasama ninyo. 12 Kapag natapos kayo sa pagbibigay ng lahat ng ikapu ng inyong ani sa ikatlong taon, iyon ay, ang taon ng pag-iikapu, kung gayon dapat ninyong ibigay ito sa Levita, sa dayuhan, sa ulila, at sa balo, para makakain sila sa loob ng mga tarangkahan ng inyong lungsod at mabusog. 13 Dapat ninyong sabihin sa harapan ni Yahweh na inyong Diyos, 'Inilabas ko mula sa aking tahanan ang mga bagay na nabibilang kay Yahweh, at ibinigay ang mga iyon sa Levita, sa dayuhan, sa ulila, at sa balo, ayon sa lahat ng mga utos na ibinigay mo sa akin. Hindi ako sumuway sa anuman sa iyong mga utos, ni kalimutan ang mga ito. 14 Hindi ko kinain ang anuman sa mga ito sa aking pagluluksa, ni inilagay ito sa ibang lugar nang ako ay marumi, hindi ko ibinigay ang anuman nito sa karangalan ng patay. Nakinig ako sa boses ni Yahweh na aking Diyos; sinunod ko lahat ng bagay na inutos mong gawin ko. 15 Tumingin pababa mula sa banal na lugar kung saan ka nakatira, mula sa langit, at pagpalain ang iyong bayang Israel, at ang lupaing ibinigay mo sa amin, tulad ng ipinangako mo sa aming mga ama, isang lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot.' 16 Sa araw na ito si Yahweh na inyong Diyos ay inuutusan kayong sundin ang mga batas at panuntunang ito; sa gayon panatilihin ninyo ang mga ito at gawin ng inyong buong puso at inyong buong kaluluwa. 17 Kinilala ninyo ngayon na si Yahweh ay inyong Diyos, at lalakad kayo sa kaniyang mga kaparaanan at susundin ang kaniyang mga batas, kaniyang mga utos, at kaniyang mga panuntunan, at makikinig kayo sa kaniyang boses. 18 At sa araw na ito kayo ay kinilala ni Yahweh na mga taong kaniyang pag-aari, tulad ng pinangako niyang gawin sa inyo, at ndapat ninyong sundin ang lahat ng kaniyang mga utos. 19 Si Yahweh ay kinilala ngayon na ilalagay niya kayo ng mataas sa ibabaw ng lahat ng ibang mga bansang ginawa niya, sa respeto para papurihan, para sa pagkakilala, at para prangalan. Kayo ay magiging mga taong ibinukod para kay Yahweh na inyong Diyos, gaya ng sinabi niya."

Chapter 27

1 Inutusan ni Moises at ng mga nakatatanda ng Israel ang mga tao at sinabi, "Sundin ang lahat ng mga utos na sinasabi ko sa inyo ngayon. 2 Sa araw na inyong tatawirin ang Jordan patungo sa lupain na ibibigay sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos, dapat maglagay kayo ng ilang malalaking mga bato at ito'y palitadahan ang ito ng palitada. 3 Dapat ninyong isulat ang lahat ng mga salita ng kautusang ito kapag nakatawid na kayo; upang makapunta kayo sa lupain na ibibigay sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos, isang lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot, tulad ng ipinangako ni Yahweh sa inyo, ang Diyos ng inyong mga ninuno. 4 Kapag nakatawid na kayo ng Jordan, ilagay ninyo ang mga batong ito sa Bundok Ebal na iniutos ko sa inyo ngayon, at ito'y palitadahan ito ng palitada. 5 Doon dapat kayong magtayo ng altar para kay Yahweh na inyong Diyos, isang altar ng mga bato; pero hindi ninyo dapat gagamitan ng kasangkapang bakal ang pagtatayo ng mga bato. 6 Dapat magtayo kayo ng altar ni Yahweh na inyong Diyos ng mga hindi hinugisang bato; dapat ninyong ialay doon ang mga handog na susunugin para kay Yahweh na inyong Diyos, 7 at mag-aalay kayo ng mga handog para sa pagtitipon-tipon at kumain doon; magdiriwang kayo sa harap ni Yahweh na inyong Diyos. 8 Isusulat ninyo sa mga bato ang lahat ng mga salita ng kautusang ito ng malinaw." 9 Nagsalita si Moises at ang mga pari, ang mga Levita, sa buong Israel at sinabing, "Kayo ay tumahimik at makinig, Israel: Ngayon naging lahi na kayo ni Yahweh na inyong Diyos. 10 Sa gayon, Dapat ninyong sundin ang boses ni Yahweh na inyong Diyos at sundin ang kaniyang mga utos at mga batas na sinasabi ko sa inyo ngayon." 11 Sa araw ding iyon inutusan ni Moises ang mga tao at sinabi, 12 "Pagkatapos ninyong tawirin ang Jordan, dapat tumayo ang mga liping ito sa Bundok Gerizim para pagpalain ang mga tao: sina Simeon, Levi, Juda, Isacar, Jose, at Benjamin. 13 At dapat tumayo ang mga liping ito sa Bundok ng Ebal para bigkasin ang mga sumpa: sina Ruben, Gad, Aser, Zabulon, Dan, at Naftali. 14 Ang mga Levita ay sasagot at sasabihin sa lahat ng mga kalalakihan ng Israel sa malakas na boses: 15 'Nawa'y isumpa ang taong gumagawa ng isang inukit o hinulmang anyo, isang bagay na nakasusuklam kay Yahweh, ang gawa ng mga kamay ng isang manggagawa lalaki, at siyang naglagay nito ng palihim.' At lahat ng mga tao ay dapat sumagot at magsabi ng, 'Amen.' 16 'Nawa'y isumpa ang taong hind pinaparangalan ang kaniyang ama o sa kaniyang ina.' At lahat ng mga tao ay dapat magsabing, 'Amen.' 17 'Nawa'y isumpa ang taong magtatanggal ng palatandaan sa lupa ng kaniyang kapitbahay.' At lahat ng mga tao ay dapat magsabi ng, 'Amen.' 18 'Nawa'y isumpa ang taong inililigaw ang bulag mula sa daan.' At lahat ng mga tao ay dapat magsabi ng, 'Amen.' 19 'Nawa'y isumpa ang taong nagkakait ng katarungan na nararapat sa isang dayuhan, ulila, o balo.' At lahat ng mga tao ay dapat magsabi ng, 'Amen.' 20 'Nawa'y isumpa ang taong sumiping sa asawa ng kaniyang ama, dahil kinuha niya ang karapatan ng kaniyang ama.' At lahat ng mga tao ay dapat magsabi ng, 'Amen.' 21 'Nawa'y isumpa ang taong sumiping sa anumang uri ng hayop.' At lahat ng mga tao ay dapat magsabi ng, 'Amen.' 22 'Nawa'y isumpa ang taong sumiping sa kaniyang kapatid na babae, ang anak na babae ng kaniyang ama, o sa anak na babae ng kaniyang ina.' At lahat ng mga tao ay dapat magsabi ng, 'Amen.' 23 'Nawa'y isumpa ang taong sumiping sa kaniyang biyenang babae.' At lahat ng mga tao ay dapat magsabi ng, 'Amen.' 24 'Nawa'y isumpa ang taong lihim na pinatay ang kaniyang kapwa.' At lahat ng mga tao ay dapat magsabi ng, 'Amen.' 25 'Nawa'y isumpa ang taong tumatanggap ng isang suhol para pumatay ng taong walang kasalanan.' At lahat ng mga tao ay dapat magsabi ng, 'Amen.' 26 'Nawa'y isumpa ang taong hindi magpatunay sa mga salita ng kautusang ito, para sundin ang mga ito.' At lahat ng mga tao ay dapat magsabi ng, 'Amen.'

Chapter 28

1 Kung makikinig kayo ng mabuti sa boses ni Yahweh na inyong Diyos para sundin ang lahat ng kaniyang mga kautusan na sinasabi ko ngayon sa inyo, Itataas kayo ni Yahweh na inyong Diyos mula sa lahat ng ibang mga bansa sa mundo. 2 Lahat ng mga biyayang ito ay dadating sa inyo at aabutan kayo, kung makinig kayo sa boses ni Yahweh na inyong Diyos. 3 Pagpapalain kayong nasa lungsod at pagpapalain kayong nasa kabukiran. 4 Pagpapalain ang bunga ng inyong katawan, at ang bunga ng inyong lupa, at ang bunga ng inyong mga hayop, ang pagdami ng inyong mga baka, at ang mga guya ng inyong kawan. 5 Pagpapalain ang inyong buslo at ang inyong labangan ng pagmamasa. 6 Pagpapalain kayo kapag kayo ay pumasok, at pagpapalain kayo kapag kayo ay lumabas. 7 Dudulutin ni Yahweh sa ang inyong mga kaaway na kumakalaban sa inyo na mapabagsak sa inyong harapan; lalabas sila laban sa inyo sa isang daanan, pero tatakasan kayo sa pitong mga daanan. 8 Uutusan ni Yahweh ang biyaya na pumunta sa inyo sa inyong mga kamalig at sa lahat ng madapuan ng inyong mga kamay; bibiyayaan niya kayo sa lupain na ibibigay niya sa inyo. 9 Itatatag kayo ni Yahweh bilang mga tao na nakalaan para sa kaniya, gaya ng ipinangako niya sa inyo, kung susundin ninyo ang mga kautusan ni Yahweh na inyong Diyos, at lalakad sa kaniyang mga pamamaraan. 10 Lahat ng mga tao sa mundo ay makikitang kayo ay tinawag sa pangalan ni Yahweh, at matatakot sila sa inyo. 11 Gagawin kayo ni Yahweh na maging labis na masagana sa bunga ng inyong katawan, sa bunga ng inyong baka, sa bunga ng inyong lupa, sa lupain na kaniyang ipinangako sa inyong mga ama na ibibigay sa inyo. 12 Bubuksan ni Yahweh para sa inyo ang kaniyang bahay-imbakan ng kalangitan para magbigay ng ulan para sa inyong lupain sa tamang panahon, at pagpapalain lahat ng gawa ng inyong kamay; magpapahiram kayo sa maraming bansa, pero hindi kayo manghihiram. 13 Gagawin kayo ni Yahweh na ulo at hindi buntot, magiging nasa itaas lamang kayo at kailanman hindi mapapasailalim, kung makikinig kayo sa mga kautusan ni Yahweh na inyong Diyos na sinasabi ko sa inyo ngayon, para gunitain at gawin ang mga ito, 14 at kung hindi kayo tataliwas palayo mula sa kahit na anong mga salita na sinasabi ko sa inyo ngayon, sa kanan o kaliwa, para sumunod sa ibang mga diyos para paglingkuran sila. 15 Pero kung hindi kayo makikinig sa boses ni Yahweh na inyong Diyos, at sundin ang lahat ng kaniyang mga kautusan at kaniyang mga batas na sinasabi ko sa inyo ngayon, darating ang mga sumpang ito sa inyo at matatabunan kayo. 16 Isusumpa kayong mga nasa lungsod, at isusumpa kayong mga nasa kabukiran. 17 Isusumpa ang inyong mga buslo at ang inyong labangan ng pagmamasa. 18 Isusumpa ang bunga ng inyong katawan, ang bunga ng inyong lupa, ang paglago ng inyong mga baka, at anak ng inyong kawan. 19 Isusumpa kayo kapag kayo ay pumasok, at isusumpa kayo kapag kayo ay lumabas. 20 Magpapadala si Yahweh sa inyo ng mga sumpa, pagkalito, at mga pagtutuwid sa lahat ng bagay na gagamitan ninyo ng inyong kamay, hanggang sa kayo ay mawasak, at hanggang sa kayo ay mabilis na mapuksa dahil sa inyong mga masasamang mga gawain kung saan itinakwil ninyo ako. 21 Hindi aalisin ni Yahweh ang mga salot sa inyo hanggang sa madurog niya kayo mula sa labas ng lupain na inyong papasukin para angkinin. 22 Sasalakayin kayo ni Yahweh sa pamamagitan ng mga nakakahawang karamdaman, ng lagnat, ng pamamaga, at ng tagtuyot at sobrang kainitan, at ng mga malalakas na hangin at amag. Hahabulin nila hanggang kayo ay mapuksa. 23 Magiging tanso ang kalangitan na nasa itaas ng inyong mga ulo at magiging bakal ang mundo na nasa ilalim ninyo. 24 Gagawing pulbos at alikabok ni Yahweh ang ulan sa inyong lupain; mula sa kalangitan babagsak ito sa inyo, hanggang sa kayo ay madurog. 25 Si Yahweh ang magdudulot na pabagsakin kayo sa harapan ng inyong mga kaaway; lalabas kayo sa isang daanan laban sa kanila, at tatakas sa pitong mga daanan sa harapan nila. Pagpapasa-pasahan kayo doon at saanman sa lahat ng kaharian ng mundo. 26 Magiging pagkain ang inyong patay na katawan ng lahat ng mga ibon ng kalangitan at ng mga mababangis na hayop ng mundo; wala ni isang mananakot sa kanila papalayo. 27 Sasalakayin kayo ni Yahweh sa pamamagitan ng mga pigsa ng Ehipto at ng mga sakit sa tiyan, sakit sa balat, at pangangati, kung saan hindi kayo mapapagaling. 28 Sasalakayin kayo ni Yahweh sa pamamagitan ng kalungkutan, ng pagkabulag, at ng pagkalito ng kaisipan. 29 Kakapit kayo sa tanghali tulad ng pagkapit ng bulag sa kadiliman at hindi kayo sasagana sa inyong mga daan; lagi kayong aapihin at nanakawan, at wala ni isang magliligtas sa inyo. 30 Ipagkakasundo kayo sa isang babae, pero kukunin siya ng ibang lalaki at pipilitin siyang sumiping sa kaniya. Magtatayo kayo ng isang bahay pero hindi maninirahan doon; magtatanim kayo ng isang ubasan pero hindi matatamasa ang bunga nito. 31 Papatayin ang inyong lalaking baka sa harapan ng inyong mga mata, pero hindi ninyo kakainin ang karne nito; sapilitang kukunin ang inyong asno papalayo mula sa inyong harapan, at hindi na maibabalik sa inyo. Ibibigay ang inyong mga tupa sa inyong mga kaaway, at walang sinuman ang makakatulong sa inyo. 32 Ibibigay sa ibang tao ang inyong mga anak na lalaki at inyong mga anak na babae; buong araw silang hahanapin ng inyong mga mata, pero mabibigo sa pag-aasam sa kanila. Walang magiging kalakasan ang inyong kamay. 33 Ang ani ng inyong lupain at lahat ng inyong mga pinaghirapan—isang bansa na hindi ninyo kilala ang kakain nito; lagi kayong aapihin at dudurugin, 34 sa gayon masiraan kayo ng ulo sa mga nakikita ninyo na nangyayari. 35 Sasalakayin kayo ni Yahweh sa mga tuhod at mga binti sa pamamagitan ng matinding mga pigsa na kung saan hindi ninyo mapapagaling, mula sa ibaba ng inyong mga paa hanggang sa itaas ng inyong ulo. 36 Dadalhin kayo ni Yahweh at ang hari na ilalagay ninyo sa inyong itaas sa isang bansa na hindi ninyo kilala, kahit kayo ni ng inyong mga ninuno; sasambahin ninyo doon ang ibang mga diyus-diyosan na kahoy at bato. 37 Pagmumulan kayo ng matinding takot, isang kawikaan, at isang tampulan ng galit, sa gitna ng mga tao kung saan kayo daldalhin ni Yahweh. 38 Kukuha kayo ng maraming binhi mula sa kabukiran, pero kakaunting binhi lamang ang madadala ninyo, dahil kakainin ito ng mga balang. 39 Magtatanim kayo ng ubasan at aalagaan ang mga ito, pero hindi kayo makakainum ng alinman sa mga alak, ni makakatipon ng mga ubas, dahil kakainin ito ng mga uod. 40 Magkakaroon kayo ng mga puno ng olibo sa loob ng inyong nasasakupan, pero hindi kayo makakapahid ng alinmang langis sa inyong sarili, dahil ihuhulog ng inyong mga puno ng olibo ang mga bunga nito. 41 Magkakaroon kayo ng mga anak na lalaki at mga anak na babae, pero hindi sila mananatiling sa inyo, dahil sila ay mabibihag. 42 Lahat ng inyong mga puno at mga bunga ng inyong lupa—lilipulin ang mga ito ng mga balang. 43 Aangat mula sa inyo ang dayuhang kapiling ninyo na pataas ng pataas; kayo mismo ang bababa na pailalim ng pailalim. 44 Papahiramin nila kayo, pero hindi kayo magpapahiram sa kanila; sila ang magiging ulo, at kayo ang magiging buntot. 45 Dadating sa inyo lahat ng mga sumpang ito at hahabulin at sasakupin kayo hanggang sa kayo ay mawasak. Mangyayari ito dahil hindi kayo nakinig sa boses ni Yahweh na inyong Diyos, kahit sundin ang kainyang mga kautusan at mga batas na sinasabi ko niya sa inyo. 46 Mapapasainyo ang mga sumpang ito bilang mga tanda at kababalaghan, at sa inyong mga kaapu-apuhan magpakailanman. 47 Dahil hindi ninyo sinamba si Yahweh na inyong Diyos ng may kasiyahan at kagalakan ng puso nang kayo ay nasa kasaganahan, 48 kaya magsisilbi kayo sa mga kalaban na ipinadala ni Yahweh laban sa inyo; pagsisislbihan ninyo sila sa gutom, sa uhaw, sa pagkahubad, at sa kahirapan. Maglalagay siya ng pamatok na bakal sa inyong mga leeg hanggang sa mawasak niya kayo. 49 Magdadala si Yahweh ng bansa laban sa inyo mula sa malayo, mula sa dulo ng mundo, tulad ng isang agila na lumilipad papunta sa kaniyang biktima, isang bansa na hindi ninyo naiintindihan ang wika; 50 isang bansa na mayroong mabangis na mga pagpapakilala na walang paggalang sa mga matatanda, ni kabutihang-asal para sa mga bata. 51 Kakainin nila ang anak ng inyong baka at ng bunga ng inyong lupain hanggang hanggang sa kayo ay mawasak. Wala silang ititirang butil para sa inyo, bagong alak, o langis, walang mga anak ng inyong kawan, hanggang sa maidulot nila sa inyo ang pagkakapuksa. 52 Sasalakayin nila kayo sa lahat ng tarangkahan ng inyong mga lungsod, hanggang sa bumagsak ang inyong mga matataas at pinatibay na mga pader saan man sa inyong lupain, mga pader na pinagkakatiwalaan ninyo. Sasalakayin nila kayo sa loob ng lahat ng inyong mga tarangkahan ng lungsod sa buong lupain na ibinigay sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos. 53 Kakainin ninyo ang bunga ng sarili ninyong katawan, ang laman ng inyong mga anak na lalaki at ng inyong mga anak na babae, na ibinigay sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos, sa pagsalakay at sa paghihirap kung saan ang inyong kalaban ang maglalagay sa inyo. 54 Ang taong malambot at makinis na kasama ninyo—siya ay magiging mainggit sa kaniyang mga kapatid na lalaki at sa kaniyang sariling mahal na asawa, at sa mga anak na naiwan niya. 55 Kaya hindi niya ibibigay sa kahit sino sa kanila ang laman ng sarili niyang mga anak na kaniyang kakainin, dahil wala nang matitira para sa kaniyang sarili sa pagsalakay at sa paghihirap na inilagay ng inyong kalaban sa loob ng lahat ng inyong mga tarangkahan sa lungsod. 56 Ang babaeng malambot at makinis na kasama ninyo, na hindi susubukang ipatong ang ilalim ng paa sa lapag para sa kalambutan at pagkamaselan—magiging mainggitin siya sa kaniyang sariling mahal na asawa lalaki, sa kaniyang anak na lalaki, at sa kaniyang anak na babae, 57 at ng kaniyang sariling bagong panganak na lumabas mula sa gitna ng kaniyang binti, at ng mga anak na kaniyang ipagbubuntis. Kakainin niya sila ng pribado dahil sa kakulangan ng kahit na ano, sa panahon ng pagsalakay at pagdurusa na inilagay ng inyong kalaban sa loob ng inyong mga tarangkahan ng lungsod. 58 Kung hindi niyo susundin ang lahat ng mga salita ng batas na ito na nasusulat sa librong ito, ganun din na parangalan itong maluwalhati at nakatatakot na pangalan ni Yahweh na inyong Diyos, 59 papatindihin pa ni Yahweh ang mga salot ninyo, at ng inyong mga kaapu-apuhan; magiging dakilang salot ang mga iyon ng mahabang panahon at matinding karamdaman ng mahabang panahon. 60 Dadalhin niya ulit sa inyo ang lahat ng mga karamdaman ng Ehipto na kinatatakutan ninyo; kakapit sila sa inyo. 61 Pati na rin ang bawat sakit at salot na hindi nasusulat sa libro ng batas na ito, Iyon ding ang mga dadalhin ni Yawheh sa inyo hanggang sa kayo ay mawasak. 62 Kayo ay maiiwang kakaunti ang bilang, kahit na tulad kayo ng mga bituin ng kalangitan sa bilang, dahil hindi kayo nakinig sa boses ni Yahweh na inyong Diyos. 63 Kagaya ng pagkagalak noong una ni Yahweh sa inyo sa paggawa ninyo ng mabuti, at sa pagpaparami sa inyo, kaya siya din ay magagalak na kayo ay mapuksa at mawasak. Bubunutin kayo paalis sa lupain na inyong papasukin para angkinin. 64 Ikakalat kayo ni Yahweh sa gitna ng lahat ng mga tao mula sa isang dulo ng mundo hanggang sa ibang dulo ng mundo; doon sasamba kayo sa ibang mga diyus-diyosan na hindi ninyo nakilala, ni ng inyong mga ninuno, mga diyus-diyosan na kahoy at bato. 65 Sa mga bansang ito hindi kayo makakahanap ng kaluwagan, at walang magiging kapahingahan para sa mga talampakan ng inyong mga paa; sa halip, bibigyan kayo ni Yahweh doon ng takot sa puso, lumalabong mga mata, at isang kaluluwang nagluluksa. 66 Mananatiling may pagdududa ang inyong buhay; matatakot kayo tuwing gabi at araw at tiyak nga na walang magiging kasiguraduhan ang inyong buhay. 67 Sa umaga sasabihin ninyong, 'sana ay gabi na!' at sa gabi ay sasabihin ninyong, 'sana ay umaga na!' dahil sa takot sa inyong mga puso at sa mga bagay na kailangan makita ng inyong mga mata. 68 Dadalhin kayo ulit ni Yahweh sa Ehipto sa pamamagitan ng mga barko, sa daan kung saan sinabi ko sa inyo, 'Hindi na ninyo muling makikita ang Ehipto.' Doon iaalok ninyo ang inyong sarili para ipagbili sa inyong mga kaaway bilang mga lalaki at babaeng alipin, pero wala ni isa ang bibili sa inyo."

Chapter 29

1 Ito ang mga salita na inutos ni Yahweh kay Moises na sabihin sa mga tao ng Israel sa lupain ng Moab, mga salita na idinagdag sa tipan na kaniyang ginawa sa kanila sa Horeb. 2 Ipinatawag ni Moises ang lahat ng mga Israelita at sinabi sa kanila, "Nakita ninyo ang lahat ng bagay na ginawa ni Yahweh sa harap ng inyong mga mata sa lupain ng Ehipto kay Paraon, sa lahat ng kaniyang mga lingkod, at sa lahat ng kanyang lupain— 3 ang matinding paghihirap na nakita ng inyong mga mata, ang mga pangitain, at yaong mga dakilang kababalaghan. 4 Pero hanggang ngayon hindi kayo binigyan ni Yahweh ng isang puso para makaalam, mga mata para makakita, o mga tainga para makarinig. 5 Pinamunuan ko kayo sa loob ng apatnapung taon sa ilang; ang inyong mga damit ay hindi naluma, at ang inyong mga sandalyas ay hindi napudpod sa inyong mga paa. 6 Hindi kayo kumain ng kahit na anong tinapay ni uminom ng kahit na anong alak o nakakalasing na mga inumin, para inyong malaman na ako si Yahweh na inyong Diyos. 7 Nang dumating kayo sa lugar na ito, si Sihon, ang hari ng Heshbon, at si Og, ang hari ng Bashan, ay lumabas laban sa atin para lumaban, at tinalo natin sila. 8 Kinuha natin ang kanilang lupain at binigay ito bilang pamana sa mga lipi ni Reuben, sa mga lipi ni Gad, at sa kalahating lipi ni Manasses. 9 Kaya sundin ang mga salita ng tipang ito at gawin, para kayo ay sumagana sa lahat ng bagay na inyong gagawin. 10 Nakatayo kayo ngayong araw, kayong lahat, sa harapanni Yahweh na inyong Diyos; ang mga nangunguna sa inyo, ang inyong mga lipi, ang inyong mga nakatatanda, at ang inyong mga opisiyal—lahat ng mga kalalakihan ng Israel, 11 ang inyong mga anak, ang inyong mga asawa, at ang dayuhan na kasama ninyo sa inyong kampo, mula sa mga tagaputol ng inyong kahoy hanggang sa mga tagasalok ng inyong tubig. 12 Narito kayong lahat para pumasok sa tipan ni Yahweh na inyong Diyos at sa pangakao na ginagawa ni Yahweh na inyong Diyos sa inyo ngayon, 13 para ngayon ay maaari niya kayong gawing isang bayan para sa kaniyang sarili, at sa ganoon siya ay maging Diyos para sa inyo, gaya ng sinabi niya sa inyo, at gaya ng sinumpa niya sa inyong mga ninuno, kay Abraham, kay Isaac, at kay Jacob. 14 At hindi ko lamang ginagawa para inyo ang tipang ito at itong panunumpa, 15 —kasama ng lahat ng nakatayo ngayon na narito kasama natin sa harapan ni Yahweh na ating Diyos, pero pati narin sa mga kasama natin na wala rito ngayon. 16 Alam ninyo kung paano tayo namuhay sa lupain ng Ehipto, at kung paano tayo pumasok sa gitna ng mga bansa na inyong dinaanan. 17 Nakita ninyo ang kanilang mga nakasusuklam na mga bagay: kanilang mga diyus-diyosan na kahoy at bato, pilak at ginto, na nabibilang sa kanila, 18 kung kaya't marapat na wala sinumang sa inyo, lalaki, babae, pamilya, o lipi na ang puso ay tatalikod ngayon mula kay Yahweh na ating Diyos, para sumamba sa mga diyus-diyosan ng mga bansang iyon—kung kaya't marapat na wala sa inyo ang anumang ugat na nagbubunga ng apdo at halamang mapait, 19 para kapag marinig ng taong iyon ang mga salita ng sumpang ito, hindi niya dapat basbasan ang kaniyang sarili sa kaniyang puso at sabihing, 'magkakaroon ako ng kapayapaan, kahit na maglalakad ako sa katigasan ng aking puso.' Sisirain nito ang basa kasama ang tuyo. 20 Hindi siya papatawarin ni Yahweh, pero sa halip, ang galit ni Yahweh at kanyang pagseselos ay mag-iinit laban sa taong iyon, at ang lahat ng mga sumpa na nakasulat sa aklat na ito ay mapapasakanya, at tatanggalin ni Yahweh ang kanyang pangalan mula sa ilalim ng langit. 21 Ibubukod siya ni Yahweh para sa sakuna na mula sa lahat ng mga lipi ng Israel, sa pagsunod sa lahat ng mga sumpa ng tipan na nakasulat sa aklat ng batas na ito. 22 Ang darating na salinlahi, ang mga anak ninyo na lilitaw pagkatapos ninyo, at ang dayuhan na nagmula sa isang malayong lupain, ay magsasalita kapag nakita nila ang mga salot sa lupaing ito at ang mga karamdaman na ginawa ni Yahweh — 23 at kapag nakita nila ang buong lupain na naging asupre at nasusunog na asin, kung saan walang ipinunla ni namumunga, kung saan walang mga halaman ang tumutubo, katulad ng pagkabagsak ng Sodom at Gomorra, Adma at Zeboiim, na winasak ni Yahweh sa kaniyang galit at matinding poot— 24 sasabihin nilang lahat kasama ng lahat ng ibang mga bansa, 'Bakit ito ginawa ni Yahweh sa lupaing ito? Ano ang kahulugan ng init ng labis na galit na ito?' 25 Pagkatapos sasabihin ng mga tao, 'Ito ay dahil pinabayaan nila ang tipan ni Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno, na ginawa niya sa kanila noong sila ay inilabas niya mula sa lupain ng Ehipto, 26 at dahil sila ay pumunta at sumamba sa ibang diyus-diyosan at yumukod sa kanilang, diyus-diyosan na hindi nila kilala at ang mga hindi niya binigay sa kanila. 27 Kaya ang galit ni Yahweh ay sumiklab laban sa lupaing ito, para magdala doon ng lahat ng mga sumpa na nasusulat sa aklat na ito. 28 Binunot sila ni Yahweh mula sa kanilang lupain sa galit, sa poot, at sa matinding galit, at itinapon sila sa ibang lupain, gaya ng ngayon.' 29 Ang mga bagay na lihim ay nabibilang lamang kay Yahweh na ating Diyos; pero ang mga bagay na inihayag ay nabibilang magpakailanman sa atin at sa ating mga kaapu-apuhan, para gawin natin ang lahat ng mga salita ng batas na ito.

Chapter 30

1 Kapag ang lahat ng mga bagay na ito ay nakarating sa inyo, ang mga pagpapala at ang mga sumpa na itinalaga ko sa harapan ninyo, at kapag isinaisip ninyo ito kasama ang lahat ng ibang mga bansa kung saan si Yahweh ang inyong Diyos ay dinala kayo, 2 at kapag bumalik kayo kay Yahweh na inyong Diyos at sumunod sa kaniyang boses, susundin ang lahat ng mga sinasabi ko sa inyo sa araw na ito— kayo at inyong mga anak— ng inyong buong puso at inyong buong kaluluwa, 3 kung gayon babaligtarin ni Yahweh na inyong Diyos ang inyong pagkakabihag at magkakaroon ng habag sa inyo, babalik siya at titipunin kayo mula sa lahat ng mga tao kung saan si Yahweh ang inyong Diyos ay ikinalat kayo. 4 Kung mayroon sa mga lahi ninyo ang ipinatapon sa pinaka-malalayong mga lugar mula sa ilalim ng kalangitan, mula kung saan si Yahweh na inyong Diyos ay titipunin kayo, at magmula doon dadalhin niya kayo. 5 Si Yahweh na inyong Diyos ay dadalhin kayo sa lupain na pagmamay-ari ng inyong mga ninuno, at magiging sa inyo ulit ito; Gagawan ka niya ng kabutihan at pararamihin kayo higit pa sa ginawa niya sa inyong mga ninuno. 6 Tutuliin ni Yahweh na inyong Diyos ang inyong puso at ang puso ng inyong mga kaapu-apuhan para mamahalin ninyo si Yahweh na inyong Diyos ng inyong buong puso at inyong buong kaluluwa, para kayo ay mabuhay. 7 Ilalagay ni Yahweh na inyong Diyos itong mga sumpa sa inyong mga kaaway at sa mga galit, at sa sinumang nagpapahirap sa inyo. 8 Babalik kayo at susunod sa boses ni Yahweh, at gagawin ninyo ang lahat ng kaniyang mga utos na inuutos ko sa inyo sa araw na ito. 9 Si Yahweh na inyong Diyos ay gagawing masagana ang lahat ng ginawa ng inyong kamay sa bunga ng inyong katawan, sa bunga ng inyong mga baka, at sa bunga ng inyong mga pananim, para sa kasaganahan, para kay Yahweh muling masisiyahan ulit siya sa inyo sa kasaganahan, gaya ng pagkalugod niya sa inyong mga ninuno. 10 Gagawin niya ito kung susundin ninyo ang salita ni Yahweh na inyong Diyos, para panatilihin ang kaniyang mga kautusan at mga batas na nasusulat sa aklat ng kautusan, kung babalik kayo kay Yahweh na inyong Diyos ng inyong buong puso at inyong buong kaluluwa. 11 Dahil itong utos na sinasabi ko sa inyo sa araw na ito ay hindi lubhang mahirap para sa inyo, ni ito ay napakalayo sa inyo para abutin, 12 hindi ito nasa langit, para sabihin ninyo, "Sinong nais umakyat sa atin sa langit at dalhin ito pababa sa atin at maaari nating marinig ito, para magawa natin ito?' 13 Maging ito ay sa ibayo ng dagat, para inyong masabi, 'Sino sa atin ang pupunta sa ibayong dagat para dalhin ito sa atin at marinig natin, at para magawa natin ito?' 14 Pero ang salita ay napakalapit sa inyo, nasa inyong bibig at nasa inyong puso, para inyong magawa ito. 15 Tingnan ninyo, inilagay ko sa araw na ito sa inyong harapan ang buhay at kabutihan, kamatayan at kasamaan. 16 Kung susundin ninyo ang mga panuntunan ni Yahweh na inyong Diyos, na sinasabi ko sa inyo sa araw na ito na mahalin si Yahweh na inyong Diyos, para mamuhay ng naaayon sa kaniyang paraan, at sundin ang kaniyang mga kautusan, ang kaniyang mga batas at kaniyang mga ordenansa, mabubuhay kayo at paparamihin, at pagpalain kayo ni Yahweh na inyong Diyos sa lupain na inyong pupuntahan para angkinin. 17 Pero kung ang inyong puso ay tumalikod at hindi kayo nakinig sa halip ay lumayo at nagpatirapa pababa sa ibang mga diyus-diyosan at sasambahin sila, 18 kung gayon, sasabihin ko sa inyo sa araw na ito siguradong mamamatay kayo, hindi tatagal ang inyong buhay sa lupain na inyong dadaanan sa kabila ng Jordan para puntahan at angkinin. 19 Tinatawag ko ang langit at ang lupa para maging saksi laban sa inyo sa araw na ito, itinalaga ko sa inyo ang buhay at kamatayan, ang mga pagpapala at mga sumpa, kaya piliin ninyo ang buhay para kayo at ang inyong lahi ay mamuhay ng matagal. 20 Gawin ito para mahalin si Yahweh na inyong Diyos, para sundin ang kaniyang salita, at para kumapit sa kaniya. Dahil siya ang inyong buhay at ang haba ng inyong mga araw, gawin ninyo ito para maaari kayong mamuhay sa lupain na ipinangako ni Yahweh sa inyong mga ninuno, kay Abraham, kay Isaac, at kay Jacob, na ibibigay sa kanila."

Chapter 31

1 Nagpunta si Moises at sinabi ang mga salitang ito sa buong Israel. 2 Sinabi niya sa kanila, "Isang daan at dalawampung taong gulang na ako; hindi na ako maaaring makalabas at makakpasok; Sinabi ni Yahweh sa akin, 'Hindi ka na tatawid sa Jordan.' 3 Si Yahweh na inyong Diyos, sasama siya sa inyo; wawasakin niya ang mga bansa mula sa inyong harapan, at babawiin ninyo ito. Si Josue, ang mangunguna sa inyong harapan, tulad ng sinabi ni Yahweh. 4 Gagawin ni Yahweh sa kanila kung ano kay Sihon at Og, sa mga hari ng Amoreo, at sa kanilang lupain, kung saan kaniyang winasak. 5 Bibigyan kayo ni Yahweh ng tagumpay laban sa kanila kapag nakaharap na ninyo sila sa digmaan, at gagawin ninyo sa kanila ang lahat ng sinasabi ko sa inyo. 6 Magpakatatag at magpakatapang, huwag matakot, at huwag matakot sa kanila; sapagkat si Yahweh na inyong Diyos, ang siyang sasama sa inyo; hindi niya kayo bibiguin ni pababayaan." 7 Tinawag ni Moises si Josue at sinabi sa kaniya sa harapan ng buong Israel, "Magpakatatag at magpakatapang, sapagkat sasamahan mo itong lahi papunta sa lupain na ipinangako ni Yahweh sa inyong mga ninuno para ibigay sa kanila; Ikaw ang magdudulot sa kanila para manahin ito. 8 Si Yahweh, ang siyang mangunguna sa inyong harapan; sasama siya sa inyo; hindi niya kayo bibiguin ni iiwan; huwag matakot, huwag mapanghinaan ng loob." 9 Isinulat ni Moises ang kautusang ito at ibinigay ito sa mga pari, sa mga anak na lalaki ni Levi, na nagdala sa kaban ng tipan ni Yahweh; binigay din niya ang mga kopya nito sa lahat ng mga nakatatanda ng Israel. 10 Inutusan sila ni Moises at sinabi, "Sa katapusan ng bawat pitong taon, sa panahon na ipapawalang-bisa ang mga utang, sa oras ng Pagdiriwang ng mga Kanlungan, 11 kapag ang buong Israelita ay dumating para magpakita sa harapan ni Yahweh na inyong Diyos sa lugar na kaniyang pipiliin para sa kaniyang santuwaryo, babasahin mo itong batas sa harapan ng buong Israel kanilang pandinig. 12 Tipunin ang mga tao, ang mga kalalakihan, ang mga kababaihan, ang mga kabataan, at inyong dayuhan na nasa loob ng tarangkahan ng inyong lungsod, para makarinig sila at matuto, at para maaari nilang parangalan si Yahweh na inyong Diyos at sundin ang lahat ng mga salita nitong kautusan. 13 Gawin ito para sa kanilang mga anak, na walang alam, maaaring makarinig at matuto para parangalan si Yahweh na inyong Diyos, habang nabubuhay kayo sa lupain na inyong pupuntahan ang Jordan para angkinin." 14 Sinabi ni Yahweh kay Moises, "Masdan mo, ang araw ay paparating na ikaw ay dapat ng mamatay; tawagin si Josue at ipakita ang inyong mga sarili sa loob ng tolda ng pagpupulong, para mabigyan ko siya ng utos." Pumunta sina Moises at Josue at ipinakita ang kanilang mga sarili sa loob ng tolda ng pagpupulong. 15 Nagpakita si Yahweh sa loob ng tolda sa isang haliging ulap; nakatayo ang haligi ng ulap sa ibabaw ng pintuan ng tolda. 16 Sinabi ni Yahweh kay Moises, "Masdan mo, matutulog ka kasama ang iyong mga ama; babangon itong mga lahi at kikilos katulad ng mga bayarang babae na sumusunod sa masamanag mga diyus-diyosan ng lupain, ang lupain na kanilang pupuntahan para maging kasamahan nila. Iiwanan nila ako at sisirain ang kasunduang ginawa ko kasama sila. 17 Pagkatapos, sa araw na iyon, ang aking galit ay sisiklab laban sa kanila, at iiwanan ko sila, ikukubli ko ang aking mukha mula sa kanila, at sasakmalin sila. Maraming mga sakuna at kaguluhan ang mapapa sa kanila, para kanilang sabihin sa araw na iyon, 'Ang mga sakuna ba ito ay natagpuan ako dahil ang ating Diyos ay wala sa aming kalagitnaan?' 18 Sisiguraduhin ko na ikukubli ang aking mukha mula sa kanila sa araw na iyon dahil ang lahat ng kasamaan ay kanilang gagawin, sapagkat bumaling sila sa ibang mga diyus-diyosan. 19 Kaya ngayon isulat mo itong awitin para sa iyong sarili at ituro ito sa bayan ng Israel. Ilagay ito sa kanilang mga bibig, para ang awiting ito ay maging isang saksi para sa akin laban sa bayan ng Israel. 20 Kapag dinala ko sila dito sa loob ng lupain na aking ipinangako upang ibigay sa kanilang mga ninuno, ang lupaing umaapaw sa gatas at pulot, at nang sila ay nakakain at nabusog at tumaba, pagkatapos babaling sila sa ibang mga diyos at sasamba sa kanila; kamumuhian nila ako at sisirain ang kasunduan. 21 Kapag maraming kasamaan at mga kaguluhan ang mayroon ang mga tao na ito, ang awiting ito ang magpapatunay bilang isang saksi; dahil ito ay hindi malilimutan mula sa mga bibig ng kanilang mga kaapu-apuhan; dahil alam ko ang mga plano na kanilang binubuo ngayon, kahit bago ko pa sila dinala dito sa lupain na aking ipinangako." 22 Kaya isinulat ni Moises ang awiting ito ng araw ding iyon at itinuro sa bayan ng Israel. 23 Binigyan ni Yahweh ng utos si Josue na anak ni Nun, at sinabi, "Magpakatatag at Magpakatapang; sapagkat dadalhin mo ang bayan ng Israel papasok sa lupain na ipinangako ko sa kanila, at ako ay sasainyo." 24 Nangyari ito nang matapos ni Moises ang pagsusulat ng mga salita nitong kautusan sa isang aklat, 25 ibinigay niya ang isang utos sa mga Levita ang siyang nagdala ng kaban ng tipan ni Yahweh; sinabi niya, 26 "Dalhin mo itong aklat ng kautusan at ilagay ito sa gilid ng kaban ng tipan ni Yahweh na inyong Diyos, para ito ay naroroon bilang isang saksi laban sa inyo. 27 Dahil alam ko ang inyong mga paghihimagsik at inyong katigasan; tingnan ninyo, habang patuloy akong nabubuhay kasama ninyo kahit sa araw na ito, kayo ay naging mapanghimagsik laban kay Yahweh; paano pa pag ako ay patay na? 28 Magtipon sa akin ang lahat ng nakatatanda ng inyong mga lipi, at inyong mga opisyal, para masabi ang mga salita sa kanilang mga tainga at tatawag sa langit at lupa para maging saksi laban sa kanila. 29 Dahil alam ko na pag patay na ako lubusan ninyong sisirain ang inyong mga sarili at lumiko palayo sa daanan na aking iniutos sa inyo; kapahamakan ay darating sa inyo sa susunod na mga araw. Mangyayari ito dahil gagawa kayo ng masama sa mata ni Yahweh, para galitin siya sa pamamagitan ng mga gawa ng inyong mga kamay." 30 Umawit si Moises sa mga tainga ng mga pinagtipon sa Israel ang mga salita ng awiting ito hanggang sa matapos

Chapter 32

1 Ibigay ang inyong mga tainga, kayong kalangitan, at hayaan akong magsalita. Hayaan ang mundo na makinig sa mga salita ng aking bibig. 2 Hayaan ang aking katuruan ay pumatak na parang ulan, hayaan ang aking talumpati ay dumalisay na parang hamog, gaya ng mahinang ulan sa malambot na damo, at gaya ng ulan sa mga halaman. 3 Dahil ipapayahag ko ang pangalan ni Yahweh, at ang tungkol ang kadakilaan sa ating Diyos. 4 Ang Batong tanggulan, ang kaniyang ganap na gawa; dahil ang lahat ng kaniyang landas ay husto. Siya ang matapat na Diyos na siyang walang kasamaan. Siya ay makatarungan at matuwid. 5 Kumilos sila ng masama laban sa kaniya. Sila ay hindi niya mga anak. Ito ay kanilang kahihiyan. Sila ay isang makasalanan at manlilinlang na salinlahi. 6 Gagantimpalaan ba ninyo si Yahweh sa ganitong paraan, kayong mga hangal at walang damdaming mga tao? Hindi ba siya ang inyong ama, ang nag-iisang lumikha sa inyo? Na siyang lumikha sa inyo? 7 Isaisip ang mga araw ng sinaunang panahon, isipin ang tungkol sa maraming taong lumipas. Tanungin ang inyong ama at ipapakita niya sa inyo, ang inyong mga nakakatanda at sasabihin nila sa inyo. 8 Nang ibinigay ng Kataastaasan sa mga bansa ang kanilang pamana—nang hinati niya ang lahat ng sangkatauhan, at itinakda niya ang mga hangganan ng mga tao, itinakda rin niya ang bilang ng kanilang mga diyus-diyosan. 9 Dahil ang bahagi ni Yahweh ay ang kaniyang mga tao; si Jacob ang kaniyang bahaging mana. 10 Siya ay natagpuan niya sa isang disyertong lupain, at sa tigang at humahagulhol na ilang; ipinagtanggol at inalagaan niya, siya ay binantayan niya na tulad ng pag-iingat sa mata. 11 Gaya ng isang agila na nagbabantay ng kaniyang pugad at pumapagaspas sa ibabaw ng kaniyang mga inakay, ibinuka ni Yahweh ang kaniyang mga pakpak at kinuha sila, at dinala sila sa kaniyang mga likuran. 12 Si Yahweh lamang ang pumatnubay sa kaniya; walang dayuhang diyus-diyosan ang kasama niya. 13 Hinayaan niya kayong sumakay sa tayog ng lupain, at siya ay pinakain niya ng mga bunga ng bukid; kayo ay pinalusog niya ng pulut na mula sa bato, at langis na mula sa matigas na matarik na bato. 14 Kumain kayo ng mantikilya na mula sa grupo ng mga hayop at uminom ng gatas na mula sa kawan, kasama ng taba ng mga tupa, mga lalaking tupa ng Bashan, at mga kambing, kasama ng pinakamainam ng trigo— at ininum ninyo ang bumubulang alak na gawa mula sa katas ng mga ubas. 15 Pero lumaki si Jeshurun na mataba at sumisipa, puno ng taba, matipuno, at makinis. Tinalikuran nila ang Diyos na gumawa sa kanila, at itinanggi nila ang Bato ng kaniyang kaligtasan. 16 Pinagselos nila si Yahweh sa pamamagitan ng kanilang mga kakaibang diyus-diyosan; at ginalit siya ng kanilang mga kasuklam-suklam na diyus-diyosan. 17 Nagsakripisyo sila sa mga demonyo, na hindi Diyos—mga diyos na hindi nila kilala, mga diyos na bago pa lang lumitaw, mga diyos na hindi kinakatakutan ng inyong mga ama. 18 Pinabayaan ninyo ang Bato, na naging ama ninyo, at inyong kinalimutan ang Diyos na nagsilang sa inyo. 19 Nakita ito ni Yahweh at sila ay tinanggihan niya, dahil lubha siyang ginalit ng kaniyang mga anak na lalaki at kaniyang mga anak na babae. 20 "Itatago ko ang aking mukha mula sa kanila," sinabi niya, "at makikita ko kung ano ang kanilang magiging katapusan; dahil sila ay isang napakasamang salinlahi, mga anak na hindi tapat. 21 Pinagselos nila ako sa pamamagitan diyos na hindi totoo at ginalit ako ng kanilang mga walang halagang diyus-diyosan. Papainggitin ko sila sa pamamagitan ng hindi ko bayan, gagalitin ko sila sa pamamagitan ng isang bansa na walang pang-unawa. 22 Dahil isang apoy ang nag-aalab sa pamamagitan ng aking galit at sumusunog hanggang sa pinakamalalim na lugar ng mga patay; kinakain nito ang mundo at ang ani nito; sinusunog nito ang mga pundasyon ng mga bundok. 23 Bubuntunan ko sila ng kapahamakan; ipapatama ko sa kanila ang lahat ng aking mga palaso; 24 Mamamatay sila sa gutom at lalamunin ng nag-aapoy na init at mapait na pagkawasak; ipapadala ko sa kanila ang mga ngipin ng mga mababangis na hayop, gamit ang lason ng mga bagay na gumagapang sa alikabok. 25 Sa labas ng espada ay mamimighati, at kilabot ay ganoon din sa mga silid-tulugan. lilipol ito sa parehong binata at dalaga, ang sumususong bata, at ang lalaking may kulay-abong mga buhok. 26 Sinabi ko na ikakalat ko sila ng malayo, para mapawi ang kanilang alaala mula sa sangkatauhan. 27 Kung hindi lang sa pagmamayabang ng kaaway, at baka ang kanilang kaaway ay magkamali, at kanilang sasabihin, 'Itaas ang ating kamay,' Nagawa ko na sana ang lahat ng mga ito. 28 Dahil ang Israel ay isang bansa na walang karunungan, at walang pang-uunawa sa kanila. 29 O, na sila ay matatalino, na naunawaan nila ito, na isaalang-alang nila ang kanilang parating na kapalaran! 30 Paano ba hahabulin ng isa ang isang libo, at papaliparin ng dalawa ang sampung libo, maliban kung ipinagbili sila ng kanilang Bato, at isinuko sila ni Yahweh? 31 Dahil ang bato ng ating mga kaaway ay hindi katulad ng ating Bato, gaya ng pag-amin ng ating mga kaaway. 32 Dahil ang kanilang mga puno ng ubas ay nagmula sa puno ng ubas ng Sodoma, at mula sa mga bukid ng Gomorra; ang kanilang mga ubas ay mga ubas ng lason; ang kanilang mga kumpol ay mapait. 33 Ang kanilang alak ay ang lason ng mga ahas at ang mabagsik na kamandag ng mga maliliit na ahas. 34 Hindi ba ito binalak ng palihim na aking tinago, na natatakan kabilang ng aking mga kayamanan? 35 Ako ang magbibigay ng paghihiganti, at kabayaran, sa panahon na madudulas ang kanilang paa; dahil ang araw ng kapahamakan para sa kanila ay nalalapit, at ang mga bagay na darating sa kanila ay mabilis na mangyayari." 36 Dahil si Yahweh ang magpapasya para sa kaniyang mga tao, at kakaawaan niya ang kaniyang mga lingkod. Makikita niya na ang kanilang kapangyarihan ay nawala, at wala ni isang matitira, kahit mga alipin o malayang mga tao. 37 Pagkatapos sasabihin niya, "Nasaan ang kanilang mga diyos, ang bato na siyang kanilang kanlungan? — 38 Ang mga diyos na kumain ng mga taba ng kanilang mga sakripisyo at uminom ng alak na kanilang mga handog na inumin? Hayaan silang bumangon at tulungan kayo; hayaan sila ang mag-ingat ninyo. 39 Tingnan ninyo ngayon ako, kahit ako, ang Diyos, at walang nang diyos maliban sa akin; ako'y pumapatay, at ako'y bumubuhay; ako'y sumusugat, at ako'y nagpapagaling, at walang ni isa na makakapagligtas sa inyo mula sa aking lakas. 40 Dahil itinaas ko ang aking kamay sa langit at sinabing, 'Habang ako ay nabubuhay magpakailanman, ako ay kikilos. 41 Kapag hinahasa ko ang aking makintab na espada, at kapag nagsimula na ang aking kamay na magdala ng katarungan, maghihiganti ako sa aking mga kaaway, at gagantihan ko yaong mga napopoot sa akin. 42 Lalasingin ko ang aking mga palaso ng dugo, at ang aking espada ay lalamunin ang laman kasama ng dugo ng mga pinatay at ng mga bihag, at mula sa mga ulo ng mga pinuno ng kaaway.'" 43 Magdiwang, kayong mga bansa, kasama ng mga tao ng Diyos, dahil ipaghihiganti niya ang dugo ng kaniyang mga lingkod; Maghihiganti siya sa kaniyang mga kaaway, at gagawa siya ng kabayaran ng kasalanan para sa kaniyang lupain, para sa kaniyang mga tao. 44 Dumating si Moises at inawit ang lahat ng mga salita ng awiting ito sa tainga ng mga tao, siya, at si Josue na anak na lalaki ni Nun. 45 At natapos ni Moises na awitin ang lahat ng mga salitang ito sa buong Israel. 46 Sinabi niya sa kanila, "Ituon ang inyong mga isipan sa lahat ng mga salita na aking pinatunayan sa inyo ngayon, para mautusan ninyo ang inyong mga anak na sundin ang mga ito, ang lahat ng mga salita ng batas na ito. 47 Dahil ito ay hindi balewalang bagay para sa inyo, dahil ito ang inyong buhay, at sa pamamagitan ng bagay na ito ay papahabain ninyo ang inyong mga araw sa lupain na inyong pupuntahan sa ibayo ng Jordan para angkinin." 48 Nagsalita si Yahweh kay Moises sa parehong araw at sinabing, 49 "Umakyat ka sa bandang ito ng mga bundok ng Abarim, itaas ng Bundok Nebo, na nasa lupain ng Moab, kabila ng Jerico. Mapagmamasdan mo ang lupain ng Canaan, na ibibigay ko sa bayan ng Israel bilang kanilang pag-aari. 50 Mamamatay ka sa bundok na pupuntahan mo at Matitipon kasama ng iyong mga tao, gaya ni Aaron na kapwa mong Israelita na namatay sa Bundok Hor at tinipon ng kaniyang mga tao. 51 Ito ay mangyayari dahil hindi ka tapat sa akin kabilang sa bayan ng Israel sa tubigan ng Meriba sa Kades, sa ilang ng Sin; 52 dahil hindi mo ako pinakitunguhan ng may dangal at Dahil makikita mo ang lupain sa harapan mo, pero hindi ka makakapunta roon, sa lupain na ibibigay ko sa bayan ng Israel."

Chapter 33

1 Ito ang pagpapala kung saan pinagpala ni Moises na tao ng Diyos ang bayan ng Israel bago ang kaniyang kamatayan. 2 Sinabi niya: Mula si Yahweh sa Sinai at nagpakita sa kanila mula Seir. Nagliwanag siya mula sa Bundok ng Paran, at dumating siya kasama ang sampung libong mga banal na pinili. Sa kaniyang kanang kamay ay mayroong kumikislap na kidlat. 3 Tunay nga, mahal niya ang mga tao; lahat ng kaniyang mga banal na pinili ay nasa inyong kamay, at nagpatirapa siya sa inyong mga paa; nakatanggap ang bawat isa ng inyong mga salita. 4 Ako, si Moises, nag-utos sa inyo ng isang batas, isang pamana para sa kapulungan ni Jacob. 5 Pagkatapos naging hari si Yahweh sa Jesurun, kapag ang mga pinuno ng mga tao ay nagtipun-tipon, nagkasama-sama ang lahat ng mga lipi ng Israel. 6 Hayaang mabuhay si Ruben at hindi mamatay; pero nawa ang kaniyang mga tauhan ay maging iilan lamang. 7 Ito ang pagpapala para kay Juda. Sinabi ni Moises: Makinig ka, Yahweh, sa boses ng Juda, at dalhin siyang muli sa kaniyang mga tao. Makipaglaban para sa kaniya; maging tulong laban sa kaniyang mga kaaway. 8 Tungkol kay Levi, sinabi ni Moises: Ang iyong Tummim at iyong Urim ay napapabilang sa iyong kinasisiyahan, ang iyong sinubukan doon sa Masa, kung saan kayo nakipagburo sa tubig ng Meriba. 9 Ang taong nagsasabi tungkol sa kaniyang ama at ina," Hindi ko sila nakita." Ni hindi niya kinilala ang kaniyang mga kapatid, ni hindi niya inangkin ang kaniyang sariling mga anak. Dahil binabantayan niya ang inyong salita at sinunod ang iyong tipan. 10 Itinuro niya kay Jacob ng inyong mga panuntunan, at mga batas sa Israel. Maglalagay siya ng insenso sa iyong harapan, at ang buong sinunog na mga alay sa inyong altar. 11 Pagpalain, Yahweh, ang kaniyang mga pag-aari, at tanggapin ang gawa ng kaniyang mga kamay. Durugin ang mga balakang ng sinumang bumangon laban sa kaniya, at sa mga taong galit sa kaniya, para hindi sila ulit makabangon. 12 Tungkol kay Benjamin, sinabi ni Moises: Ang isang minahal ni Yahweh ay namumuhay ng matiwasay sa tabi niya; iniingatan siya ni Yahweh sa mahabang panahon, at nabubuhay siya sa pagitan ng mga braso ni Yahweh. 13 Tungkol kay Jose, sinabi ni Moises: Nawa'y pagpalain ni Yahweh ang kaniyang lupain at ng kaniyang mahahalagang mga bagay sa langit, kasama ang hamog, At ng nakapaloob sa ilalim nito. 14 Na mayroong mahahalagang mga bagay sa pag-aani na ginawa sa tulong ng araw, kasama ang mga mahahalagang bagay sa paglipas ng mga buwan, 15 Na mayroong magagandang mga bagay mula sa napakatandang mga bundok, at na mayroong mahahalagang mga bagay ng walang katapusang mga burol. 16 Mayroong mga pinakamahalagang bagay sa mundo at ng kasaganahan nito, at kasama ang mabuting kalooban niya para sa sinumang nasa palumpong. Hayaang dumating ang pagpapala mula sa ulo ni Jose, at sa noo niya na siyang naging prinsipe sa kaniyang mga kapatid. 17 Ang unang anak ng isang toro, maluwalhati siya, at kaniyang mga sungay ay ang mga sungay ng isang mabangis na toro. Kasama nilang itutulak niya ang mga tao, lahat sila, sa katapusan ng mundo. Ito ang mga sampung libo ng Efraim; ito ang mga libu-libo ni Manases. 18 Tungkol kay Zebulun, sinabi ni Moises: Magsaya, Zebulun, sa iyong paglabas, at ikaw, Isacar, sa inyong mga tolda. 19 Tatawagin nila ang mga tao sa mga bundok. Doon iaalay nila ang mga alay ng pagkamatuwid. Dahil sisipsipin nila ang kasaganahan ng mga karagatan, at mula sa buhangin ng dalampasigan. 20 Tungkol kay Gad, sinabi ni Moises: Pagpalain ang siyang magpapalawak kay Gad. Maninirahan siya doon katulad ng isang babaeng leon, at sisirain niya ang braso o ang isang ulo. 21 Naglaan siya ng kaniyang pinakamahalagang bahagi para sa kaniyang sarili, dahil mayroong nakalaang bahagi ng lupain para sa mga pinuno. Dumating siya kasama ang pinuno ng mga tao. Ipinatupad niya ang katarungan ni Yahweh at ang kaniyang mga kautusan kasama ng Israel. 22 Tungkol kay Dan, sinabi ni Moises: Si Dan ay isang batang leon na lumundag mula sa Bashan. 23 Tungkol kay Neftali, sinabi ni Moises: Neftali, nasisiyahan sa mga pabor, at puno ng pagpapala ni Yahweh, dalhin ang pag-aari ng lupain tungo sa kanluran at timog. 24 Tungkol kay Aser, sinabi ni Moises: Pagpalain si Aserng higit pa sa ibang mga anak na lalaki; hayaan siyang maging katanggap-tanggap sa kaniyang mga kapatid, at hayaang malubog sa langis ng olibo ang kaniyang mga paa. 25 Nawa'y ang rehas ng iyong lungsod ay maging bakal at tanso; hangga't kayo ay nabubuhay, ganun din kahaba ang iyong magiging kaligtasan. 26 Walang sinumang katulad ng Diyos, Jesurun— isang matuwid, na nakasakay sa kalangitan para tulungan ka, at sa kaniyang kaluwalhatian sa mga ulap. 27 Ang walang hanggang Diyos ay isang kublihan para sa kaniyang mga tao, at sa ilalim ay ang walang hanggang mga braso. Itutulak niya palabas ang kaaway mula sa harapan ninyo, at sasabihin niya, "Wasakin!" 28 Nawa'y ang Israel ay mamumuhay na may kaligtasan. Ang bukal ni Jacob ay ligtas sa isang lupain ng butil at bagong alak; tunay nga, hayaan ang langit na bumagsak ang hamog sa kaniya. 29 Pinagpala kayo, Israel! Sino ang katulad ninyo, mga tao na iniligtas ni Yahweh, ang sanggalan ng inyong tulong, at ang espada ng inyong kaluwalhatian? Ang inyong mga kaaway ay darating na nanginginig sa inyo; tatapakan ninyo ang kanilang matataas na mga lugar.

Chapter 34

1 Umakyat si Moises mula sa mga kapatagan ng Moab patungong Bundok ng Nebo, hanggang sa tuktok ng Pisga, na nasa tapat ng Jerico. At ipinakita ni Yahweh sa kaniya ang lahat ng lupain ng Galaad hanggang Dan, 2 at lahat ng Neftali at ang lahat ng lupain ng Efraim at Manases, at lahat ng lupain ng Juda, hanggang sa kanlurang karagatan, 3 at ang Negev, at ang patag sa lambak ng Jerico, ang Lungsod ng mga Palmera, hanggang Zoar. 4 Sinabi ni Yahweh sa kaniya, "Ito ang lupain na ipinangako ko kay Abraham, kay Isaac, at kay Jacob, na sinasabing, 'Ibibigay ko ito sa inyong mga kaapu-apuhan.' Pinayagan kitang tingnan iyon sa iyong mga mata, pero hindi ka makakapunta roon." 5 Kaya si Moises ang lingkod ni Yahweh ay namatay doon sa lupain ng Moab, gaya ng salitang ipinangako ni Yahweh. 6 Inilibing siya ni Yahweh sa lambak ng lupain ng Moab sa tapat ng Beth Peor, pero walang nakakaalam kung saan ang kaniyang libingan hanggang sa araw na ito. 7 Isang daan at dalawampung taong gulang si Moises ng namatay siya; hindi lumabo ang kaniyang mata, ni humina ang kaniyang likas na lakas. 8 nagluksa ng tatlumpung araw ang mga tao ng Israel sa mga kapatagan ng Moab para kay Moises, at ang mga araw ng pagluluksa para kay Moises ay natapos. 9 Si Josue na anak ni Nun, ay puno ng espiritu ng kaalaman, dahil ipinatong ni Moises ang kaniyang kamay sa kaniya. Nakinig ang mga Israelita sa kaniya at ginawa kung ano ang iniutos ni Yahweh kay Moises. 10 Walang ibang tumayong propeta sa Israel tulad ni Moises, na siyang kilala ni Yahweh mukha sa mukha. 11 Walang ibang propeta na tulad niya sa lahat ng mga palatandaan at mga kababalaghan na ipinadala ni Yahweh sa kaniya para gawin sa lupain ng Ehipto, kay Faraon, at sa lahat ng kaniyang mga lingkod, at sa lahat ng kaniyang lupain. 12 Hindi pa nagkaroon ng sinumang propetang tulad niya sa lahat ng mga dakila, nakakatakot na gawa na ginawa ni Moises sa paningin ng buong Israel.