Tagalog: Tagalog Unlocked Literal Bible

Updated ? hours ago # views See on DCS Draft Material

Santiago

Chapter 1

1 Ako, si Santiago, isang alagad ng Diyos at ng Panginoong Jesu-Cristo, ay bumabati sa labindalawang tribu na nasa pangangalat. 2 Ituring ninyong kagalakan ito mga kapatid, kung nakakaranas kayo ng ibat-ibang kaguluhan, 3 dahil nalalaman ninyo na ang pagsubok sa inyong pananampalataya ay nagdudulot ng pagtitiis. 4 Hayaan ang pagtitiis na tapusin ang kaniyang gawa, upang kayo ay ganap na lumago, na walang kakulangan. 5 Ngunit kung sinuman sa inyo ay nangangailangan ng karunungan, hingin ninyo ito sa Diyos, ang mapagbigay at walang panunumbat sa lahat ng humihingi, at tutugunin niya ito. 6 Ngunit humingi nang may pananampalataya, nang walang pag-aalinlangan, sapagkat ang nagdadalawang isip ay katulad ng alon sa dagat, na tinatangay ng hangin, kung saan. 7 Sapagkat ang taong iyon ay hindi dapat mag-isip na matatanggap niya ang kaniyang kahilingan sa Panginoon, 8 ang ganitong tao ay dalawa ang pag-iisip at pabagu-bago sa lahat ng kaniyang ginagawa. 9 Ang mahirap na kapatid ay dapat luwalhatiin sa kaniyang mataas na kalagayan, 10 samantalang ang mayaman na kapatid sa kaniyang kababaang loob, sapagkat siya ay lilipas katulad ng mga bulaklak ng damo sa bukid na lumilipas. 11 Sumisikat ang araw na may nakakasunog na init at natutuyo ang halaman at ang mga bulaklak ay nalalagas, at mawawala ang kagandahan nito. Sa parehong paraan ang mayamang mga tao ay mawawala sa kalagitnaan ng kanilang mga gawain. 12 Pinagpala ang tao na nagtitiis sa pagsubok, sapagkat pagkatapos niyang mapagtagumpayan ang pagsubok, makakatanggap siya ng korona ng buhay, na ipinangako sa mga nagmamahal sa Diyos. 13 Huwag sabihin ng sinuman kapag siya ay tinukso, "Ang pagsubok na ito ay galing sa Diyos, ” Sapagkat ang Diyos ay hindi tinukso ng diyablo, at ang Diyos mismo ay hindi tinutukso ang sino man. 14 Ang bawat tao ay natutukso ng kaniyang masamang mga pagnanasa kung saan inaakit at itinutulak siya palayo. 15 At pagkatapos na maglihi ang makasalanang pagnanasa, ang kasalanan ay maipapanganak at pagkatapos lumaki ng kasalanan hahantong ito sa kamatayan. 16 Huwag kayong magpalinlang, mga minamahal kong kapatid. 17 Ang bawat mabuti at ganap na kaloob ay mula sa itaas, bumaba mula sa Ama ng mga liwanag. Hindi siya nagbabago katulad ng paglipat ng anino. 18 Pinili ng Diyos na bigyan tayo ng buhay sa pamamagitan ng salita ng katotohanan, upang maging katulad tayo ng mga unang bunga sa kaniyang mga nilikha. 19 Alam ninyo ito, mga minamahal kong kapatid. Bawat tao ay dapat mabilis sa pakikinig, dahan-dahan sa pananalita, at hindi agad nagagalit, 20 sapagkat ang galit ng tao ay hindi gumagawa ng katuwiran ng Diyos. 21 Kaya alisin ninyo ang lahat ng gawaing makasalanan at ang kasamaan na nasa lahat ng dako, at sa kababaang-loob tanggapin ang itinanim na salita, na makakapagligtas sa inyong kaluluwa. 22 Sundin ninyo ang salita, huwag lamang itong pakinggan, kung saan dinadaya ninyo lang ang inyong mga sarili. 23 Sapagkat kung sinuman ang nakarinig ng salita at hindi ito ginagawa, para siyang isang taong humarap sa salamin at tiningnan ang kaniyang likas na mukha sa salamin. 24 Tinignan ang kaniyang mukha, at umalis, at hindi nagtagal nakalimutan niya kung ano ang kaniyang itsura. 25 Ngunit ang taong tumitingin ng maingat sa ganap na batas, ang batas na nagbibigay ng kalayaan, at patuloy na sinusunod ito, hindi lamang siya naging tagapakinig na nakakalimot, ang taong ito ay pagpapalain habang ginagawa niya ito. 26 Kung sinuman ang nag-iisip sa kaniyang sarili na siya ay relihiyoso, ngunit hindi mapigilan ang kaniyang dila, niloloko niya ang kaniyang sarili at ang kaniyang relihiyon ay walang kabuluhan. 27 Ito ay dalisay at walang karumihang relihiyon sa harap ng ating Diyos at Ama: para tulungan ang mga walang ama at balo sa kanilang kapighatian, at para pangalagaan ang sarili mula sa katiwaliaan ng mundo.

Chapter 2

1 Mga kapatid ko huwag natin sundin ang pananampalataya ng ating Panginoon Jesus-Cristo, na Panginoon ng kadakilaan, na may pagtatangi sa ilang mga tao, 2 Kung may taong pumasok sa inyong pagpupulong na may suot na mga gintong singsing at may mga marangyang kasuotan, at mayroon ding pumasok na taong mahirap na may maruming kasuotan, 3 at nagbigay lamang kayo ng pansin sa taong may marangyang kasuotan, at sinabing, "Maupo po kayo rito sa magandang lugar," ngunit sinabi mo sa taong mahirap, "Tumayo ka sa banda roon," o kaya ay, "maupo ka sa aking paanan," 4 hindi ba kayo gumagawa ng paghatol sa inyong sarili, at nagiging hukom ng may mga masasamang kaisipan? 5 Makinig kayo, mga minamahal kong kapatid, hindi ba pinili ng Diyos ang mga mahihirap sa mundong ito upang maging mayaman sa pananampalataya at manahin ang kaharian na ipinangako sa kanila na nagmamahal sa kaniya? 6 Ngunit hindi ninyo binigyan ng karangalan ang mahihirap! Hindi ba ang mayayaman, sila ay ang ang nang-aapi sa inyo, at hindi ba sila ang nagkakaladkad sa inyo sa mga hukuman? 7 Hindi ba ang mayaman ang lumalait sa magandang pangalan kung kanino kayo tinawag? 8 Gayunman, kung tinutupad ninyo ang mga maharlikang kautusan, na naisulat sa mga kasulatan, "Mahalin ninyo ang inyong kapwa tulad ng inyong sarili," maganda ang ginagawa ninyo. 9 Ngunit kung nagbibigay kayo ng pagtatangi sa ilang tao, kayo ay nagkakasala, nahatulan ng kautusan bilang isang lumalabag sa batas. 10 Kung sinuman ang sumusunod sa lahat ng kautusan, ngunit matisod sa isa sa mga ito, magkakasala siya sa pagsuway sa lahat ng kautusan! 11 Sapagkat ang Diyos na nagsasabi ng,"Huwag kang mangangalunya," nagsabi ring, "Huwag papatay." Kung hindi ka nangalunya, ngunit ikaw ay pumatay, sinuway mo ang kautusan ng Diyos. 12 Kaya't magsalita at sumunod katulad nila na malapit ng hatulan sa pamamagitan ng batas ng kalayaan. 13 Sapagkat darating ang paghahatol na walang kahabagan sa kanila na nagpakita ng walang kahabagan. Ang kahabagan ay nagtatagumpay laban sa kahatulan! 14 Ano ang kabutihan nito, mga kapatid, kung may magsasabi na mayroon siyang pananampalataya, ngunit wala siyang mga gawa? Kaya ba ng pananampalatayang iyon na iligtas siya? 15 Kung ang kapatid na lalaki o kapatid na babae ang nangangailangan ng kasuotan at pagkain araw-araw, 16 at ang isa sa inyo ay magsasabi sa kanila, "Humayo kayong mapayapa, mangagpainit kayo at magpakabusog kayo,"' subalit hindi ninyo sila binigyan ng mga kinakailangan para sa katawan, anong kabutihan iyon? 17 Sa ganuon ding pamamaraan ang pananampalataya lang, kung hindi ito nagtataglay ng mga gawa, ay patay. 18 Ngunit may isang magsasabing, "Mayroon kang pananampalataya, at mayroon akong gawa." Ipakita mo sa akin ang iyong pananampalataya na walang gawa, at ipapakita ko sa iyo ang aking pananampalataya sa pamamagitan ng aking mga gawa. 19 Naniniwala ka na ang Diyos ay iisa; tama ka. Ngunit ang mga demonyo ay naniniwala rin at nanginginig. 20 Gusto mo bang malaman, taong mangmang, kung paano na ang pananampalataya na walang gawa ay walang kabuluhan? 21 Hindi ba si Abraham na ating patriyarka ay pinawalang-sala ng Diyos sa pamamagitan ng mga gawa nang ihain niya sa altar ang anak niyang si Isaac? 22 Nakita ninyo na ang pananampalataya ay kumilos kasama ang kaniyang gawa, at sa pamamagitan ng paggawa nakamit ng kaniyang pananampalataya ang layunin nito. 23 Natupad ang kasulatan na nagsasabing, "Naniwala si Abraham sa Diyos, at ibinilang ito sa kaniya na katuwiran." Kaya't si Abraham ay tinawag na kaibigan ng Diyos. 24 Nakita ninyo na sa pamamagitan ng mga gawa ang tao ay mapapa-walang sala, at hindi sa pananampalataya lamang. 25 Sa parehong paraan din hindi ba't si Rahab na nagbebenta ng aliw ay napawalang sala sa pamamagitan ng gawa, nang tinanggap niya ang mga mensahero at pinaalis sila sa pamamagitan ng ibang daan? 26 Kung paanong ang katawan na hiwalay sa espiritu ay patay, gayon din ang pananampalataya na hiwalay sa mga gawa ay patay.

Chapter 3

1 Hindi dapat maging guro ang marami sa inyo, mga kapatid ko, alam nating matatanggap natin ang mas higit na paghahatol. 2 Sapagkat natitisod tayong lahat sa maraming paraan. Kung sinuman ang hindi natitisod sa kaniyang pananalita, siya ay taong ganap, na may kakayahang pigilan din ang kaniyang buong katawan. 3 Ngayon kung lalagyan natin ng busal ang bibig ng kabayo susundin nila tayo, at mapapabaling natin ang kanilang buong katawan. 4 Pansinin din ang mga barko, kahit na napakalaki nila at tinutulak ng malalakas na hangin, ay nababaling kahit saan nais ibaling ng piloto sa pamamagitan ng napakaliit na timon. 5 Ganoon din ang dila na isang maliit na bahagi ng katawan, ngunit nagyayabang ng malalaking bagay. Pansinin kung paano ang isang malawak na kagubatan ay nasusunog ng isang maliit na apoy! 6 Ang dila ay isa ring apoy, isang mundo ng makasalanan na inilagay sa bahagi ng ating mga katawan, nagpaparumi sa buong katawan at pinagniningas ang daan ng buhay, at ito ay nakatakdang apoy mula sa impiyerno. 7 Bawat uri ng mga mababangis na hayop, mga ibon, mga gumagapang at mga nilalang sa dagat ay kayang paamuin at napaamo ng mga tao, 8 ngunit walang kahit na sinuman ang makapagpapaamo ng dila: walang tigil na kasamaan, puno ng nakamamatay na lason. 9 Sa pamamagitan ng dila pinupuri natin ang ating Panginoon at Ama, at sa pamamagitan nito nagsusumpa tayo ng tao, na nilikhang kalarawan ng Diyos. 10 Galing sa iisang bibig ang pagsasalita ng pagpapala at pagsusumpa. Aking mga kapatid, hindi dapat mangyari ang mga bagay na ito. 11 Lumalabas ba sa bukal ang parehong sariwa at mapait na tubig? 12 Aking mga kapatid, maaari bang ang isang puno ng igos ay mamunga ng mga olibo? o ang isang puno ng ubas mamunga ng igos? Hindi rin lumalabas sa iisang bukal ang tubig-tabang at tubig-alat 13 Sino sa inyo ang marunong at nakakaunawa? Hayaan ang taong iyan na ipakita ang kaniyang magandang buhay sa pamamagitan ng kaniyang mga gawa sa kapakumbabaan na nagmumula sa karunungan. 14 Ngunit kung mayroon kayong mapait na paninibugho at makasariling hangarin sa inyong puso, huwag kayong magmayabang at magsinungaling laban sa katotohanan. 15 Hindi ito ang karunungang nagmumula sa itaas, sa halip ay makamundo, hindi espiritwal, mula sa diyablo. 16 Sapagkat kung saan may paninibugho at makasariling hangaring umiiral, may pagkalito at masasamang pag-uugali. 17 Ngunit ang karunungang mula sa itaas unang-una ay dalisay, at maibigin sa kapayapaan, mahinahon, may nag-aalab na puso, puno ng awa at mabuting bunga, walang inaayunang ibang tao, at tapat. 18 At ang bunga ng katuwiran ay naitanim sa kapayapaan alang-alang sa mga gumagawa ng kapayapaan.

Chapter 4

1 Saan nanggaling ang pag-aaway at alitan sa inyo? Hindi ba nagmula ito sa inyong mga masamang hangarin na lumalaban sa inyong mga miyembro? 2 Hinahangad ninyo kung anong wala kayo. Pumatay kayo at hinabol ninyo kung anong hindi mapapasainyo. Nakipag-away kayo at nakipagtalo, subalit hindi ninyo nakuha dahil hindi kayo humingi sa Diyos. 3 Humingi kayo at hindi ninyo natanggap dahil humihingi kayo ng mga masasamang bagay, upang gamitin ninyo sa inyong mga masasamang hangarin. 4 Kayong mga mangangalunya! Hindi ba ninyo alam na ang pakikipagkaibigan sa mundo ay pakikipag-away laban sa Diyos? Kaya, sinuman ang magpasiyang maging kaibigan ng mundo ay ginawa niya mismo ang kaniyang sarili na kaaway ng Diyos. 5 O inisip ninyo ba na ang kasulatan ay walang kahulugan noong sinabi nito na ang Espiritu na ipinagkaloob niya sa atin ay labis na naninibugho para sa atin? 6 Ngunit ang Diyos ay nagbibigay ng mas higit na biyaya, kaya't sinasabi ng kasulatan na "Ang Diyos ay sumasalungat sa mapagmataas, ngunit nagbibigay ng biyaya sa mapagpakumbaba." 7 Kaya, magpasakop kayo sa Diyos. Labanan ninyo ang diyablo at lalayo siya sa inyo. 8 Lumapit kayo sa Diyos, at siya ay lalapit sa inyo. Linisin ang inyong mga kamay, kayong mga makasalanan, at gawing dalisay ang inyong mga puso, kayong mga nagdadalawang-isip. 9 Magdalamhati kayo, humagulgol kayo, at umiyak! Ibaling ang inyong kasiyahan sa kapighatian at ang inyong kagalakan sa kalungkutan. 10 Magpakumbaba kayo sa harap ng Panginoon, at kayo ay kaniyang itataas. 11 Huwag kayong magsalita laban sa isa't-isa, mga kapatid. Ang taong nagsasalita laban sa kaniyang kapatid o naghahatol sa kaniyang kapatid ay nagsasalita laban sa kautusan at humahatol sa batas ng Diyos. Kapag hinatulan ninyo ang kautusan, hindi ninyo sinusunod ang batas, ngunit isang tagahatol ng mga ito. 12 Iisa lamang ang nagbigay ng batas at taga-hatol, ang Diyos, na kayang magligtas at sumira. Sino kayo upang humatol sa inyong kapwa? 13 Makinig, kayo na mga nagsasabing, "Ngayon o bukas ay pupunta tayo sa ganitong bayan, at titigil ng isang taon doon, at mangangalakal, at kikita." 14 Sino ang nakakaalam kung ano ang mangyayari bukas, at ano nga ba ang inyong buhay? Dahil katulad kayo ng hamog na sandaling lumilitaw at biglang nawawala. 15 Sa halip ganito dapat ang sabihin ninyo, "Kung ito ang kalooban ng Panginoon, at nabubuhay pa kami gagawin namin ito o iyan." 16 Ngunit ngayon, kayo ay naghahambog patungkol sa inyong mga plano. Ang lahat ng paghahambog na iyan ay masama. 17 Kaya, para sa kaniya na nakakaalam gumawa ng mabuti ngunit hindi ito ginagawa, para sa kaniya ito ay kasalanan.

Chapter 5

1 Ngayon, lumapit kayo mga mayayaman, umiyak kayo ng malakas dahil sa kahirapan na darating sa inyo. 2 Ang inyong mga kayamanan ay nabubulok at ang inyong mga kasuotan ay kinakain ng anay. 3 Ang inyong ginto at pilak ay wala nang kabuluhan, at ang kanilang kalawang ang magpapatotoo laban sa inyo at susunog ng inyong mga laman gaya ng apoy. Nag-iipon kayo ng inyong kayaman sa huling mga araw. 4 Tingnan ninyo, ang bayad ng mga manggagawa—silang mga hindi ninyo binayaran para sa pag-aani ng inyong mga bukid—sumigaw sila ng malakas! At ang mga sigaw ng mga taong nag-aani ng inyong mga pananim ay nakaabot sa tainga ng Panginoon ng mga Hukbo. 5 Kayo ay nabuhay ng marangya sa ibabaw ng lupa at nagpakasasa sa inyong mga sarili. Pinataba ninyo ang inyong mga puso sa isang araw ng pagkatay. 6 Hinatulan ninyo at pinatay ang mga matuwid na hindi lumalaban sa inyo. 7 Kaya maging matiyaga, mga kapatid, hanggang sa pagdating ng Panginoon, katulad ng magsasaka na naghihintay ng mahalagang ani ng lupa, Matiyagang naghihintay dito, hangang sa una at huling pagbuhos ng ulan. 8 Kayo rin ay maging matiyaga; ayusin ninyo ang inyong mga puso, dahil ang pagdating ng Panginoon ay malapit na. 9 Huwag magreklamo, mga kapatid, laban sa isa't-isa upang kayo ay hindi mahatulan. Tingnan ninyo, ang hukom ay nakatayo sa pintuan. 10 Bilang isang halimbawa, mga kapatid, ituring ninyo ang mga pagdurusa at pagtitiyaga ng mga propeta na nagsalita sa pangalan ng Panginoon. 11 Tingnan ninyo, tinatawag namin ang mga nagtitiyaga, na "pinagpala." Narinig ninyo ang pagtitiis ni Job, at alam ninyo ang layunin ng Panginoon para kay Job, kung paano ang Panginoon ay puno ng kahabagan at awa. 12 Higit sa lahat, mga kapatid ko, huwag kayong mangangako, maging sa langit o maging sa lupa, o sa pamamgitan ng anumang panunumpa, ngunit gawin ninyo ang "Oo" na "Oo" at ang inyong "Hindi" na "Hindi," upang hindi kayo mahatulan. 13 Mayroon bang nagdurusa sa inyo? Dapat siyang manalangin. 14 Mayroon bang masaya sa inyo? Hayaan siyang umawit ng papuri. Mayroon bang may sakit sa inyo? Hayaan siyang tawagin ang mga nakatatanda ng iglesya at hayaan siyang ipanalangin ng mga nakatatanda, at pahiran siya ng langis sa pangalan ng Panginoon, 15 at ang panalangin ng may pananampalataya ang magpapagaling sa taong may sakit, at ang Panginoon ang magtataas sa kaniya. Kung nakagawa siya ng kasalanan, patatawarin siya ng Diyos. 16 Kaya ihayag ninyo ang inyong mga kasalanan sa bawat isa at ipanalangin ang bawat isa upang kayo ay mapagaling. Ang panalangin ng matuwid ay magdudulot ng malaking bunga. 17 Si Elias ay tao din na may pakiramdaman kagaya natin. Siya ay taimtim na nanalangin na huwag umulan at hindi nga umulan sa lupa ng tatlong taon at anim na buwan. 18 At si Elias ay muling nanalangin at ibinuhos ng langit ang ulan sa lupa at ito ay nagbigay ng ani. 19 Aking mga kapatid, kung sinuman sa inyo ang naliligaw mula sa katotohanan ngunit mayroong umakay sa kaniya pabalik, 20 ipaalam sa kaniya na kung sinuman ang umakay sa makasalanan na makalabas sa kaniyang maling daan, maliligtas ang kaniyang kaluluwa mula sa kamatayan at matatabunan ang maraming kasalanan.