Mga Hebreo
Chapter 1
1 Noon unang panahon, nakipag-usap ang Diyos sa ating mga ninuno sa pamamagitan ng mga propeta ng maraming beses at sa iba't-ibang paraan. 2 Ngunit sa mga araw na ito, nakikipag-usap ang Diyos sa atin sa pamamagitan ng Anak na siyang hinirang na tagapagmana ng lahat ng bagay, at sa pamamagitan niya ginawa ang mundo. 3 Ang kaniyang Anak ang ningning ng kaniyang kaluwalhatian, ang totoong katangian ng kaniyang diwa, at pinapanatili niya ang lahat sa pamamagitan ng salita ng kaniyang kapangyarihan. Pagkatapos niyang nakamit ang paglilinis ng mga kasalanan, umupo siya sa kanang kamay ng kataas-taasang kamahalan. 4 Siya ay naging higit na mataas sa mga anghel, sapagkat ang pangalan na kaniyang minana ay mas mahusay kaysa sa kanilang pangalan. 5 Sapagkat sino sa mga anghel ang pinagsabihan niya kailanman ng, "Ikaw ay aking anak, ngayon ako ay naging iyong ama?" At muli, "Ako'y magiging ama sa kaniya, at siya ay magiging anak sa akin"? 6 Muli, nang isinugo ng Diyos ang panganay sa mundo, sinasabi niya, " Lahat ng anghel ng Diyos ay kinakailangang sumamba sa kaniya." 7 Tungkol sa mga anghel sinasabi niya, "Siya na ginagawang mga anghel niya na mga espiritu at ang kaniyang mga lingkod na mga lagablab ng apoy." 8 Ngunit tungkol sa Anak sinasabi niya, "Ang iyong trono, O Diyos, ay walang hanggan. Ang setro ng iyong kaharian ay setro ng katarungan. 9 Minahal mo ang katuwiran at kinasusuklaman ang kawalan ng pagsunod sa batas, kaya ang Diyos, na iyong Diyos ay nagbuhos sa iyo ng langis ng kagalakan nang higit sa iyong mga kasamahan. 10 Noong simula, O Panginoon, inilagay mo ang pundasyon ng mundo. Ang kalangitan ay gawa ng iyong mga kamay. 11 Ang mga ito ay mawawala, ngunit ikaw ay magpapatuloy. Silang lahat ay maluluma na parang kasuotan. 12 liligpitin mo sila katulad ng isang balabal, at mapapalitan sila katulad ng isang kasuotan. Ngunit ikaw ay mananatili ikaw at ang iyong mga taon ay hindi titigil." 13 Ngunit wala isa man sa mga anghel ang kaniyang pinagsabihan ng nito kahit kailan, "Maupo ka sa aking kanang kamay hanggang ang iyong mga kaaway ay gawin kong tuntungan ng iyong mga paa"? 14 Hindi ba't ang lahat ng mga anghel ay espiritu na ipinadala upang maglingkod at pangalagaan ang mga taong magmamana ng kaligtasan?"
Chapter 2
1 Kaya nararapat na pagtuunan natin ng pansin kung ano ang ating mga narinig, upang hindi tayo matangay palayo dito. 2 Sapagkat kung ang mensahe na sinabi sa pamamagitan ng mga anghel ay totoo, at ang bawat paglabag at pagsuway ay tatanggap ng nararapat na kaparusahan, 3 paano tayo makakatakas kung ating babalewalain ang dakilang kaligtasan? —kaligtasan na unang ipinahayag ng Panginoon at pinatunayan sa atin ng mga nakarinig nito. 4 Pinatunayan din ito ng Diyos sa pamamagitan ng mga tanda, mga kamangha-manghang gawa, at sa pamamagitan ng iba't- ibang mga makapangyarihang gawa, at sa pamamagitan ng kaloob ng Banal na Espiritu na kaniyang ipinamahagi ayon sa kaniyang kalooban. 5 Hindi ipinamahala ng Diyos sa mga anghel ang sanlibutang darating na aming tinutukoy. 6 Sa halip, may nagpatunay mula sa isang dako at nagsabing, "Ano ba ang tao, na iyong inaalala? O ang anak ng tao, na iyong pinapahalagahan? 7 Ginawa mo ang taong bahagyang mas mababa kaysa sa mga anghel; kinoronahan mo siya ng kaluwalhatian at karangalan. (Nilagay mo siya sa ilalim ng gawa ng iyong mga kamay.) 8 Inilagay mo ang lahat na mapasailalim sa kaniyang mga paa". Sapagkat ipinasailalim ng Diyos ang lahat sa sangkatauhan. Wala siyang iniwan na anuman na hindi naipasailalim sa kaniya. Ngunit ngayon, hindi pa natin makita ang lahat na ipinasailalim sa kaniya. 9 Gayon pa man, nakikita natin ang isa na ginawa sa maikling panahon, na mababa kaysa mga anghel— si Jesus, dahil sa kaniyang paghihirap at kamatayan ay kinoronahan ng kaluwalhatian at karangalan. Kaya ngayon sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos, naranasan ni Jesus ang kamatayan para sa bawat tao. 10 Sapagkat nararapat na ang Diyos, dahil para sa kaniya at sa pamamagitan niya ay nagkaroon ng lahat ng mga bagay, sa pagdadala ng maraming mga anak tungo sa kaluwalhatian, ay gawing sakdal ang nagtatag ng kanilang kaligtasan sa pamamagitan ng pagdurusa. 11 Sapagkat parehong ang tagapaghandog at mga ihinahandog ay iisa lang ang pinanggalingan, ang Diyos. Dahil dito, ang tagapaghandog nila sa Diyos ay hindi nahihiyang tawagin silang mga kapatid. 12 Sinasabi niya, "Ipapahayag ko ang iyong pangalan sa aking mga kapatid, aawitin ko ang tungkol saiyo sa loob ng pagpupulong." 13 At sinasabi niyang muli, "Magtitiwala ako sa kaniya." At muli, "Masdan ninyo, heto ako at ang mga anak na ibinigay sa akin ng Diyos." 14 Kaya, dahil lahat ng mga anak ng Diyos ay kabahagi ng laman at dugo, nakibahagi rin si Jesus sa mga bagay na ito, upang sa pamamagitan ng kamatayan ay maaari niyang mapawalang bisa ang may kapangyarihan ng kamatayan, na ibig sabihin, ay ang diyablo. 15 Ito ay upang mapalaya niya ang lahat na sa pamamagitan ng pagkatakot sa kamatayan ay napasailalim sa pagkaalipin sa buong buhay nila. 16 Sapagkat tunay nga na hindi ang mga anghel ang tinutulungan niya. Sa halip, tinutulungan niya ang mga kaapu-apuhan ni Abraham. 17 Kaya kinakailangan niyang maging katulad ng kaniyang mga kapatid sa lahat ng paraan, upang siya ay maging maawain at tapat na pinakapunong pari sa mga bagay para sa Diyos, at upang maaari niyang makamit ang kapatawaran para sa kasalanan ng mga tao. 18 Dahil si Jesus mismo ay naghirap, noong siya ay tinukso, kaya niyang tulungan ang mga natukso.
Chapter 3
1 Kaya, mga banal na kapatid, mga kasama sa makalangit na pagtawag, alalahanin ninyo si Jesus na Apostol at Pinakapunong Pari na aming ipinapahayag. 2 Siya ay tapat sa Diyos, na naghirang sa kaniya, katulad ng pagiging tapat ni Moises sa lahat ng sambahayan ng Diyos. 3 Sapagkat si Jesus ay itinuring na higit na karapat-dapat na maluwalhati kaysa kay Moises, dahil ang gumawa ng bahay ay higit na may karangalan kaysa sa bahay mismo. 4 Sapagkat ang bawat bahay ay itinayo ng isang tao, ngunit ang nagtayo ng lahat ng bagay ay ang Diyos. 5 Sa katunayan, si Moses ay isang tapat na lingkod sa lahat ng sambahayan ng Diyos, nagbibigay patotoo tungkol sa mga bagay na sinasabing magaganap sa hinaharap. 6 Ngunit si Cristo ang Anak na pinagkatiwalaan sa sambahayan ng Diyos. Tayo ang kaniyang bahay kung ating mahigpit na panghahawakan ang ating pananalig at kapurihan ng pananalig. 7 Kaya, gaya ng sinasabi ng Banal na Espiritu, "Sa araw na ito, kung marinig ninyo ang kaniyang tinig, 8 Huwag patigasin ang inyong mga puso gaya ng panghihimagsik na ginawa ng mga Israelita sa panahon ng pagsubok sa ilang. 9 Ito ay nang naghimagsik ang inyong mga ninuno sa pagsubok sa akin, at nang apatnapung taon na, nakita nila ang aking mga gawa. 10 Kaya hindi ako nalugod sa lahing ito. Sinabi ko, "Sila ay palaging naliligaw sa kanilang mga puso at hindi nila alam ang aking mga paraan. 11 Kaya sa galit ko sila ay aking isinumpa: sila ay hindi makapapasok sa aking pahingahan." 12 Mag-ingat kayo mga kapatid, upang hindi magkaroon ng isang masamang puso na walang pananampalataya sa sinuman sa inyo, isang puso na tatalikod mula sa buhay na Diyos. 13 Sa halip, palakasin ang loob ng bawat isa araw-araw, habang ang panahon ay matatawag pang ngayon, upang walang sinuman sa inyo ang maaaring mapatigas sa pamamagitan ng pandaraya ng kasalanan. 14 Sapagkat tayo ay naging kasama ni Cristo kung patuloy nating panghahawakan ang ating pananalig sa kaniya mula sa simula hanggang sa katapusan. 15 Tungkol dito ito sinabing, "Ngayong araw, kung makikinig kayo sa kaniyang tinig, huwag ninyong patigasin ang inyong mga puso gaya ng ginawa ng mga Israelita sa kanilang paghihimagsik." 16 Sino ang nakarinig sa Diyos at naghimagsik? Hindi ba't ang lahat na pinangunahan ni Moses na lumabas sa Egipto? 17 At kanino nagalit ang Diyos sa apatnapung taon? Hindi ba't sa mga nagkasala, na ang mga patay na katawan ay nakaratay sa ilang? 18 Kanino sumumpa ang Diyos na hindi na sila makapapasok sa kaniyang kapahingahan, hindi ba ang mga sumuway sa kaniya? 19 Nakita natin na hindi sila nakapasok sa kaniyang kapahingahan dahil sa kawalan ng pananampalataya.
Chapter 4
1 Kaya, kailangan nating maging maingat upang walang sinuman sa inyo ang mabigo upang maabot ang patuloy na pangako na pagpasok sa kapahingahan ng Diyos. 2 Sapagkat nasa atin ang magandang balita tungkol sa kapahingahan ng Diyos na ipinahayag sa atin gaya katulad ng mga Israelita, ngunit walang pakinabang ang mensahe sa mga nakarinig nito na walang kalakip na pananampalataya. 3 Sapagkat tayo, ang naniwala— tayo rin ang makakapasok sa kapahingahan, gaya ng sinabi, "Katulad ng aking isinumpa sa poot, Hindi sila makapapasok sa aking kapahingahan." Sinabi niya ito, bagama't ang kaniyang mga nilikhang gawain ay natapos na mula sa simula pa ng mundo. 4 Sapagkat nasabi niya sa isang dako hinggil sa ikapitong araw, "Ang Diyos ay nagpahinga sa ikapitong araw mula sa lahat ng kanyang mga nilikha." 5 Muli ay sinabi niya, "Hindi sila makakapasok sa aking kapahingahan." 6 Kaya, dahil ang kapahingahan ng Diyos ay nakalaan hanggang ngayon para sa ilan upang makapasok, at dahil maraming mga Israelita na nakarinig ng magandang balita tungkol sa kaniyang kapahingahan ay hindi nakapasok dahil sa pagsuway. 7 Muli ang Diyos ay nagtakda ng tiyak na araw, na tinatawag na "Ngayon". Itinakda niya ang araw na ito nang nakipag-usap siya sa pamamagitan ni David, na sinabi noon pa pagkatapos ng unang pagsasabi nito, "Ngayon, kung pakikinggan ninyo ang kaniyang tinig, huwag ninyong patigasin ang inyong mga puso." 8 Kung naibigay na ni Joshua sa kanila ang kapahingahan, hindi na magsasalita ang Diyos tungkol sa ibang araw. 9 Kaya, mayroon pa ring isang Araw ng Pamamahinga na nakalaan sa mga tao ng Diyos. 10 Sapagkat sinuman ang makapapasok sa kapahingahan ng Diyos kailangan siya mismo din ay nagpahinga mula sa kaniyang mga ginagawa, katulad ng ginawa ng Diyos. 11 Kaya manabik tayo na makapasok sa kapahingahan na iyon, upang walang sinuman ang mahulog sa uri ng pagsuway na kanilang ginawa. 12 Dahil ang salita ng Diyos ay buhay, mabisa at mas matalim pa kaysa sa espada na may dalawang talim. Tumatagos ito kahit na sa paghahati ng kaluluwa mula sa espiritu, at sa kasu-kasuan mula sa utak ng buto. May kakayahan itong makunawa sa mga isip at mga layunin ng puso. 13 Walang bagay nanilikha ang makakatago sa paningin ng Diyos. Sa halip, lahat ng bagay ay lantad at hayag sa mga mata ng dapat nating panagutan. 14 Yamang mayroon tayong dakilang pinakapunong pari na dumaan sa pamamagitan ng kalangitan, na si Jesus na Anak ng Diyos, dapat tayong kumapit na mahigpit sa ating mga paniniwala. 15 Sapagkat wala tayong pinaka-punong pari na hindi makakaramdam ng pagkahabag sa ating mga kahinaan, ngunit siya ay tinukso sa lahat ng paraan tulad natin, maliban lang na wala siyang kasalanan. 16 Kaya magsilapit tayo na may pananalig sa trono ng biyaya, ng sa gayon makatanggap tayo ng awa at makahanap ng biyaya na makakatulong sa oras ng pangangailangan.
Chapter 5
1 Sapagkat bawat pinaka-punong pari, na pinili mula sa mga tao, ay itinalaga upang gumanap para sa kanila sa mga bagay na nauukol sa Diyos, upang siya ay maaaring makapag-alay ng mga kaloob at mga handog para sa mga kasalanan. 2 Kaya niyang makitungo nang malumanay sa mga walang alam at sa naliligaw sapagkat siya mismo ay napapaligiran rin ng kahinaan. 3 Dahil dito, siya ay kinakakailangan rin na magdala ng mga handog para sa kaniyang mga kasalanan katulad ng ginagawa niya para sa mga kasalanan ng mga tao. 4 At walang sino man ang makakapagparangal sa kaniyang sarili, sa halip, kinakailangang siya ay tinawag ng Diyos, katulad ni Aaron. 5 Maging si Cristo ay hindi pinarangalan ang kaniyang sarili sa pamamagitan ng paglalagay sa kaniyang sarili bilang pinakapunong- pari. Sa halip ay sinabi ng Diyos sa kaniya, ''Ikaw ay aking Anak, ngayong araw na ito ako ay naging iyong Ama." 6 Ito ay katulad lang din ng kaniyang sinabi sa ibang lugar, ''Ikaw ay pari magpakailanman ayon sa pagkapari ni Melquisedec." 7 Sa panahon ng kaniyang laman, nag-alay siya ng mga panalangin at mga kahilingan, nakikiusap ng may pagluha sa Diyos, na may kakayahang makapagliligtas sa kaniya mula sa kamatayan. Dahil sa kaniyang paggalang sa Diyos, siya ay pinakinggan. 8 Bagama't siya ay anak, natutunan niya ang pagsunod mula sa mga bagay na kaniyang tiniis. 9 Siya ay ginawang ganap at sa pamamaraang ito, siya ang dahilan ng walang hanggang kaligtasan para sa bawat isang sumusunod sa kaniya, 10 na itinalaga ng Diyos bilang pinaka-punong pari ayon sa pagkapari ni Melquisedec. 11 Marami kaming masasabi tungkol kay Jesus, ngunit mahirap itong ipaliwanag sapagkat kayo ay mapurol sa pakikinig. 12 Kahit sa oras na ito ay marapat na sana kayong maging tagapagturo, ngunit kinakailangan pa rin na may magturo sa inyo ng mga pangunahing alituntunin ng mga salita ng Diyos. Nangangailangan kayo ng gatas, hindi nang matigas na pagkain. 13 Sapagkat sinuman na gatas pa lamang ang iniinom ay walang karanasan sa mensahe ng katuwiran, sapagkat siya ay sanggol pa lang. 14 Sa ibang banda, ang matigas na pagkain ay para sa mga may ganap nang gulang, sila na dahil sa kanilang karanasang kumilala ng tama sa mali, ay sinanay upang maunawaan ang mabuti at masama.
Chapter 6
1 Kung gayon, iwan na natin ang mga unang natutunan tungkol sa mensahe ni Cristo, kailangan nating magpatuloy sa pagiging ganap, at huwag na muling ilagay ang saligan ng pagsisisi mula sa mga patay na gawa at ng pananampalataya sa Diyos, 2 ni ang saligan ng katuruan tungkol sa mga pagbabautismo, pagpapatong ng mga kamay, ang muling pagkabuhay ng mga patay, at sa hatol na walang hanggan. 3 Gagawin din natin ito kung papahintulutan ng Diyos. 4 Sapagkat imposible para sa kanila na minsan nang naliwanagan, na nakalasap na ng kaloob ng kalangitan, na naging kabahagi ng Banal na Espiritu, 5 at sila na nakalasap na ng mabuting salita ng Diyos at ng mga kapangyarihan ng kapanahunang darating, 6 at sila nga na nahulog na---ito ay imposible nang ibalik silang muli sa pagsisisi. Ito ay dahil sa ipinako nilang muli para sa kanilang mga sarili ang nag-iisang Anak ng Diyos, ginawa siyang dahilan ng lantarang kahihiyan. 7 Sapagkat ang lupang tumanggap ng ulan na madalas bumuhos dito at nagbibigay ng pananim na kapaki-pakinabang para sa kanila na nagtrabaho ng lupa, ay tumanggap ng pagpapalang galing sa Diyos. 8 Ngunit kung tubuan ito ng tinik at dawag, ito ay walang pakinabang at nanganganib na maisumpa. At ang kahahantungan nito ay pagkasunog. 9 Kahit na kami ay nagsasalita na gaya nito, minamahal kong mga kaibigan, kami ay naniniwala sa mas mabuting mga bagay ukol sa inyo at sa mga bagay na tungkol sa kaligtasan. 10 Sapagkat ang Diyos ay hindi liko upang limutin ang inyong gawa at ang pag-ibig na inyong ipinakita para sa kaniyang pangalan, sa ganoon naglingkod kayo sa mga mananampalataya at patuloy na naglingkod sa kanila. 11 At labis naming ninanais na ang bawat isa sa inyo ay magpakita ng parehong kasipagan hanggang sa wakas na may buong katiyakan ng pagtitiwala. 12 Ayaw namin na maging mabigat ang inyong katawan, sa halip maging katulad kayo ng mga magmamana ng mga pangako dahil sa pananampalataya at pagtitiis. 13 Sapagkat nang ginawa ng Diyos ang kaniyang pangako kay Abraham, siya ay nanumpa sa kaniyang sarili, sapagkat hindi siya makapanumpa sa mas higit sa kaniya. 14 Sinabi niya, "Tunay na ikaw ay aking pagpapalain, at labis kong dadagdagan ang iyong mga kaapu-apuhan.'' 15 Sa ganitong paraan, natanggap ni Abraham kung ano ang ipinangako pagkatapos niyang maghintay ng may pagtitiis. 16 Sapagkat ang mga tao ay nanunumpa sa mas mataas sa kanilang mga sarili, at sa bawat pagtatalo nila, ang sinumpaan ang siyang pangwakas bilang pagpapatunay. 17 Nang nagpasya ang Diyos na ipakita ng mas malinaw sa mga tagapagmana ng pangako ang hindi nagbabagong katangian ng kaniyang layunin, tiniyak niya ito ng may panunumpa. 18 Ginawa niya ito upang sa pamamagitan ng dalawang bagay na hindi nababago, na kung saan hindi maaaring magsinungaling ang Diyos, tayo na nagsitakas para magpakupkop ay magkaroon ng matatag na lakas ng loob upang matibay na panghawakan ang pagtitiwala na inilagay sa ating harapan. 19 Mayroon tayo nitong pagtitiwala bilang matatag at maaasahan na angkla ng ating mga kaluluwa, ang pagtitiwala na pumapasok sa dakong loob sa likod ng tabing. 20 Pumasok si Jesus sa dakong iyon bilang tagapanguna para sa atin, at naging pinaka-punongpari magpakailanman ayon sa pagkapari ni Melquisedec.
Chapter 7
1 Melquisedec na ito, ang hari ng Salem, ang pari ng Kataas-taasang Diyos, na sumalubong kay Abraham nang siya ay bumalik mula sa malupit na pagpatay ng mga hari, at pinagpala siya. 2 Binigyan siya ni Abraham ng ikamsampung bahagi ng lahat ng kaniyang nasamsam. Ang pangalan na ''Melquisedec" ay nangangahulugang ''hari ng katuwiran'' at ''hari ng Salem'' ito ay ''hari ng kapayapaan.'' 3 Siya ay walang ama, walang ina, walang mga ninuno, walang anumang pasimula ng mga araw ni katapusan ng buhay. Sa halip nanatili siyang pari magpakailanman, katulad ng Anak ng Diyos. 4 Ngayon isaalang-alang kung gaano kadakila ang taong ito. Ang ating ninuno na si Abraham ay nagbigay ng ikasampung bahagi mula sa pinakamahalagang mga bagay na nakuha niya mula sa labanan. 5 At sa katunayan, ang mga kaapu-apuhan ni Levi na tumanggap ng gawaing pagkapari ay may utos mula sa kautusan na tipunin ang mga ikasampung bahagi mula sa mga tao, iyon ay mula sa kanilang mga kababayang Israelita, kahit na sila rin ay nagmula kay Abraham. 6 Ngunit si Melquisedec, na hindi mula sa kaapu-apuhan ni Levi, ay tumanggap ng ikasampung bahagi mula kay Abraham, at siya ay pinagpala, siya na tumanggap ng mga pangako. 7 Hindi maitatanggi na ang mas mababang tao ay pinagpapala ng mas mataas na tao. 8 Sa ganitong kalagayan, ang taong tumanggap ng ikasampung bahagi ay mamamatay balang araw. ngunit sa isang banda, ang tumanggap ng ikasampung bahagi ni Abraham ay inilarawan bilang patuloy na nabubuhay. 9 At samakatuwid, masasabi na si Levi na tumanggap ng ikapu, ay nakapagbigay din ng ikapu sa pamamagitan ni Abraham, 10 dahil si Levi ay nasa pribadong bahagi pa lamang ng kaniyang ninuno na si Abraham nang makilala ni Abraham si Melquisedec. 11 Ngayon kung ang pagiging ganap ay maaari nang makamtan sa pamamagitan ng pagiging pari ng mga Levita (sapagkat sa ilalim nito ang mga tao ay tumanggap ng kautusan), ano pa ang kailangan para sa isang pari na lumitaw ayon sa pagkapari ni Melquisedec, at hindi mapangalanan ayon sa pagkapari ni Aaron? 12 Dahil kapag ang pagkapari ay nabago, ang kautusan ay kailangan ding mabago. 13 Sapagkat ang pinagsabihan ng mga bagay na ito ay kabilang sa ibang lahi, kung saan walang sinuman ang naglingkod sa altar. 14 Ngayon ito ang katunayan na ang ating Panginoon ay nagmula kay Judah, ang lipi na hindi binanggit ni Moises patungkol sa mga pari. 15 At ang aming sinasabi ay mas malinaw pa kung may ibang paring liliitaw ayon sa pagkakatulad ni Melquisedec. 16 Ang bagong pari na ito ay hindi naging pari ayon sa batayan ng kautusan sa angkan ng tao sa halip ay sa batayan ng kapangyarihan ng hindi nasisirang buhay. 17 Dahil ang kasulatan ay sumasaksi tungkol sa kaniya: ''Ikaw ay isang pari magpakailanman ayon sa pagkapari ni Melquisedec. 18 Sapagkat pinawalang saysay ang dating kautusan dahil sa ito ay mahina at walang pakinabang. 19 Sapagkat ang kautusan ay walang ginawang ganap. Gayunpaman, mayroong mas mabuting pag-asa para sa hinaharap kung saan lumalapit tayo sa Diyos. 20 At itong mas mabuting katiyakan ay hindi nangyari kung walang panunumpa, sapagkat ang mga ibang pari ay hindi gumawa ng anumang panunumpa. 21 Ngunit ang Diyos ay gumawa ng isang panunumpa nang sinabi niya ang tungkol kay Jesus, ''Ang Panginoon ay nangako at hindi na magbabago ang kaniyang isip: ''Ikaw ay isang pari magpakailanman.''' 22 Sa pamamagitan din nito si Jesus ay naging kayiyakan ng isang mas mabuting kasunduan. 23 Sa katunayan, ang kamatayan ang humahadlang sa mga pari mula sa paglilingkod magpakailanman. Ito ang dahilan kung bakit mayroong maraming pari, isa pagkatapos ng isa. 24 Ngunit dahil nabubuhay si Jesus magpakailanman, ang kaniyang pagkapari ay hindi mapapalitan. 25 Samakatuwid, siya rin ay lubos na makapagliligtas sa kanila na lalapit sa Diyos sa pamamagitan niya, dahil siya ay laging nabubuhay upang mamagitan para sa kanila. 26 Sapagkat ganito ang pinaka-punong pari na nararapat para sa atin. Siya ay walang kasalanan, walang dungis, dalisay, ibinukod mula sa mga makasalanan, at naging lalong mataas kaysa sa kalangitan. 27 Hindi siya nangangailangan, di tulad ng mga pinaka-punongpari, na mag-alay ng handog araw-araw, una para sa kaniyang sariling kasalanan, at pagkatapos para sa kasalanan ng mga tao. Ginawa niya ito nang minsanan para sa lahat, nang inialay niya ang kaniyang sarili. 28 Sapagkat ang kautusan ang humirang ng mga tao na may kahinaan katulad ng mga pinakapunong pari, ngunit ang salita ng panunumpa, na dumating matapos ang kautusan, ay naghirang ng isang Anak, na siyang ginawang ganap magpakailanman.
Chapter 8
1 Ngayon, ito ang paksa ng aming sinasabi, mayroon tayong isang pinaka-punong pari na nakaupo sa kanang kamay ng trono ng Kamahalan sa kalangitan. 2 Isa siyang lingkod sa lugar na banal, ang tunay na tabernakulo na itinayo ng Panginoon, hindi ng sinumang tao. 3 Sapagkat itinalaga ang bawat pinaka-punong pari upang mag-alay ng mga kaloob at mga handog, kaya kinakailangan na may isang bagay na ialay. 4 Ngayon kung si Cristo ay nasa lupa, hindi na siya magiging pari pa, yamang mayroon nang mga nag-aalay ng mga handog ayon sa kautusan. 5 Naglilingkod sila sa isang bagay na huwaran at anino ng mga bagay na makalangit, kagaya na lamang ng babala ng Diyos kay Moises noong itatayo na niya ang tabernakulo, "Tingnan mo," sinabi ng Diyos, na gagawin mo ang lahat ayon sa batayan na ipinakita sa iyo doon sa bundok." 6 Ngunit ngayon tinanggap ni Cristo ang isang mas mataaas na paglilingkod dahil siya din ang tagapamagitan ng mas mainam na tipan, na itinatag sa mas mainam na mga pangako. 7 Sapagkat kung ang unang tipan ay walang pagkakamali, kung gayon hindi na kailangan pang humanap ng pangalawang tipan. 8 Sapagkat nang nakatagpo ang Diyos ng pagkakamali sa mga tao, sinabi niya," 'Tingnan ninyo, darating ang mga araw,' sabi ng Panginoon, 'na Ako ay gagawa ng bagong tipan sa sambahayan ng Israel at sa sambahayan ng Juda. 9 Hindi na ito katulad ng tipan na ginawa ko sa kanilang mga ninuno noong araw na kinuha ko sila sa pamamagitan ng kamay upang pangunahan silang lumabas sa lupain ng Egipto. Sapagkat hindi sila nagpatuloy sa aking tipan, at hindi ko na sila bibigyang pansin,' sabi ng Panginoon. 10 'Sapagkat ito ang tipan na aking gagawin sa sambahayan ng Israel pagkatapos ng mga araw na iyon,' sabi ng Panginoon. 'Ilalagay ko sa kanilang mga isipan ang aking mga tipan, at isusulat ko rin ang mga ito sa kanilang mga puso. Ako ang magiging Diyos nila, at sila ay aking magiging mga tao. 11 Hindi nila tuturuan ang bawat isa na kaniyang kapwa at ang bawat isa na kaniyang kapatid, na sabihing, "Kilalanin ninyo ang Diyos," sapagkat ako ay makikilala ng lahat mula sa pinakamababa hanggang sa pinakadakila sa kanila. 12 Sapagkat magpapakita ako ng habag sa kanilang mga gawaing hindi matuwid at hindi ko na aalalahanin pa ang kanilang mga kasalanan.' " 13 Sinasabing "bago," ginawa niyang luma ang unang tipan. At kaniya ngang inihayag na ang pagiging luma ay handa ng maglaho.
Chapter 9
1 Ngayon kahit sa unang tipan ay may lugar para sa pagsamba dito sa lupa at mga alituntunin ukol sa pagsamba. 2 Sapagkat may silid na inihanda sa loob ng tabernakulo, ang panlabas na silid, ang tinatawag na banal na lugar. Nakalagay sa lugar na ito ang ilawan, ang mesa at ang tinapay na handog. 3 At sa likod ng pangalawang tabing ay isa pang silid na tinatawag na kabanal-banalang lugar. 4 Mayroon itong gintong altar para sa insenso. Nandito rin ang kaban ng tipan na nababalutan ng ginto. Sa loob nito ay sisidlang ginto na may lamang manna, ang namulaklak na tungkod ni Aaron at ang mga tapyas na bato ng tipan. 5 Sa itaas ng kaban ng tipan ay anyo ng kerubim ng kaluwalhatian na umaaligid sa takip ng pagsisisi, na hindi muna namin ngayon mailalarawan. 6 Pagkatapos na maihanda ang mga bagay na ito, palaging pumapasok ang mga pari sa panlabas na silid ng tabernakulo upang isagawa ang kanilang mga tungkulin. 7 Ngunit ang pinaka-punong pari ay pumapasok na nag-iisa sa pangalawang silid minsan sa isang taon, at may dalang maihahandog na dugo para sa kaniyang sarili at para sa hindi sinasadyang mga paglabag ng mga tao. 8 Ipinapakita ng Banal na Espiritu na ang daan patungo sa kabanal-banalang lugar ay hindi pa ipinapahayag habang nananatili pang nakatayo ang unang tabernakulo. 9 Isa itong paglalarawan sa kasalukuyang panahon. Parehong walang kakayahang gawing ganap ng mga kaloob at mga handog ang budhi ng mga sumasamba. 10 Mga pagkain at inumin lamang ang mga ito na kaugnay ng iba't-ibang uri ng seremonya ng paglilinis. Ang lahat ng ito ay alituntunin para sa laman na inilaan hanggang sa maganap ang bagong kaayusan. 11 Dumating si Cristo bilang pinaka-punong pari ng mabubuting bagay na darating, sa pamamagitan ng mas dakila at higit na ganap na sagradong tolda na hindi gawa sa mga kamay ng tao, na hindi kabilang sa mundong nilikha. 12 Hindi ito sa pamamagitan ng dugo ng mga kambing at mga guya, ngunit sa pamamagitan ng kaniyang sariling dugo kaya minsan lamang pumasok si Cristo sa kabanal-banalang lugar para sa lahat at tiyakin ang ating walang hanggang katubusan. 13 Sapagkat kung ang dugo ng mga kambing at mga toro at ang pagwiwisik ng mga abo sa mga taong may dungis ay naghahandog sa kanila sa Diyos at ginagawang malinis ang kanilang katawan, 14 gaano pa kaya ang dugo ni Cristo, na sa pamamagitan ng walang hanggang Espiritu ay inialay ang kaniyang sarili na walang dungis sa Diyos, na luminis sa ating budhi mula sa mga gawang patay upang makapaglingkod sa Diyos na buhay? 15 Sa kadahilanang ito, si Cristo ang tagapamagitan ng bagong tipan. Ito ay dahil may isang kamatayan na nangyari upang palayain ang mga napapasailalim sa lumang tipan mula sa kabayaran ng kanilang mga kasalanan, sa gayon ang lahat ng mga tinawag ng Diyos ay tatanggap ng walang hanggang pamana na kaniyang ipinangako. 16 Sapagkat kung saan iniwan ng isang tao ang kaniyang testamento, kailangan na mapatunayan ang kamatayan ng taong gumawa nito. 17 Sapagkat nagkakabisa lamang ang testamento kung saan mayroong kamatayan dahil wala pang bisa ito habang buhay pa ang gumawa. 18 Kaya hindi naitatag ang lumang tipan nang walang dugo. 19 Sapagkat nang maibigay ni Moises ang bawat alituntunin ng kautusan sa lahat ng mga tao, kinuha niya ang dugo ng mga guya at mga kambing na may tubig, mapulang balahibo, hisopo at parehong winisikan ang balumbon ng kasulatan at ang lahat ng tao. 20 At sinabi niya, "Ito ang dugo ng tipan kung saan ibinigay ng Diyos sa inyo ang mga kautusan." 21 Sa ganito ring paraan, winisikan niya ng dugo ang tabernakulo at ang lahat ng sisidlan na ginagamit ng mga pari sa paglilingkod. 22 At ayon sa kautusan, halos lahat ay nilinis ng dugo. Walang kapatawaran kung walang pagbubuhos ng dugo. 23 Samakatwid kinakailangan nga na ang mga bagay na kahalintulad nang nasa langit ay dapat na malinis nitong mga hayop na handog. Gayunman, dapat na linisin ng mas mabuting handog ang mga bagay na panlangit. 24 Sapagkat hindi pumasok si Cristo sa kabanal-banalang lugar na gawa ng mga kamay, na kahalintulad lamang ng tunay. Sa halip, pumasok siya sa langit mismo, na ngayon ay nasa harapan ng Diyos para sa atin. 25 Hindi siya nagpunta doon upang madalas na ihandog ang kaniyang sarili, katulad ng ginagawa ng pinakapunong pari, na pumapasok sa kabanal-banalang lugar taun-taon na may dalang dugo. 26 Kung iyan ay totoo, kakailanganin niyang maghirap ng maraming ulit mula pa ng likhain ang mundo. Ngunit ngayon minsan na lamang siyang naipahayag hanggang sa katapusan ng panahon upang alisin ang kasalanan sa pamamagitan ng pag-aalay ng kaniyang sarili. 27 Tulad ng bawat tao ay itinakda na mamatay minsan, at pagkatapos ay ang paghatol, 28 gayon din si Cristo, na minsang naihandog upang alisin ang mga kasalanan ng marami, darating siya sa pangalawang pagkakataon, hindi upang ihandog muli sa kasalanan, kundi para sa kaligtasan ng mga matiyagang naghihintay sa kaniya.
Chapter 10
1 Sapagkat ang kautusan ay isang anino lamang ng mga mabubuting bagay na darating, hindi ng mga katotohanan. Hindi magagawang ganap ng kautusan ang mga lumalapit sa Diyos batay sa paraan ng parehong mga alay na inihahandog ng mga pari taun-taon. 2 O kung hindi, ititigil kayang maihandog ang mga alay na iyon? Sa ganiyang kalagayan, ang mga sumasamba ay nilinis ng minsan, na wala ng kamalayan sa kasalanan. 3 Ngunit sa mga handog na iyon ay may pagpapa-alala sa mga nagawang kasalanan taun-taon. 4 Sapagkat hindi maaaring pawiin ng mga dugo ng toro at kambing ang mga kasalanan. 5 Nang dumating si Cristo dito sa mundo, sinabi niya, "Hindi mo nais ang mga handog o ang mga hain. Sa halip, inihanda mo ang isang katawan para sa akin. 6 Wala kang kasiyahan sa mga haing sinusunog o mga handog para sa kasalanan." 7 At aking sinabi, "Masdan mo, narito ako upang gawin ang iyong kalooban, o Diyos, gaya ng nasusulat tungkol sa akin na nasa balumbon." 8 Sinabi niya gaya ng nasabi sa itaas, "Hindi mo nais ang mga handog at mga hain o ang mga handog na sinusunog para sa kasalanan, ni hindi ka nasisiyahan sa mga ito"— mga handog na inialay ayon sa kautusan. 9 At sinabi niya, "masdan mo, ako ay narito upang gawin ang iyong kalooban." Isinantabi niya ang unang kaugalian upang maitatag ang pangalawa. 10 Sa pangalawang kaugalian, tayo ay naihandog sa Diyos sa kaniyang kalooban at sa pamamagitan ng pag-aalay ng katawan ni Jesu-Cristo ng minsan para sa lahat. 11 Sa katunayan tumatayong naglilingkod ang bawat pari araw-araw, iniaalay ang parehong mga handog, kung saan, gayon pa man, hindi makatatanggal ng mga kasalanan kailanman. 12 Ngunit pagkatapos na ialay ni Cristo ang isang handog para sa kasalanan magpakailanman, umupo siya sa kanang kamay ng Diyos, 13 naghihintay hanggang ang kaniyang mga kaaway ay maibaba at gawing isang patungan para sa kaniyang paanan. 14 Dahil sa pamamagitan ng isang handog ay kaniyang ginawang ganap magpakailanman ang mga taong inihandog sa Diyos. 15 At nagpapatotoo rin sa atin ang Banal na Espiritu. Sapagkat unang sinabi niya, 16 '' 'Ito ang tipan na aking gagawin sa kanila pagkatapos ng mga araw na iyon,' ang sabi ng Panginoon, 'Ilalagay ko ang aking mga kautusan sa kanilang mga puso at isusulat ko ang mga iyon sa kanilang mga isip."' 17 Pagkatapos sinabi niya, "Hindi ko na aalalahanin pa ang kanilang mga kasalanan at paglabag sa kautusan." 18 Ngayon kung saan may kapatawaran na para sa mga ito, wala ng pag-aalay pa para sa kasalanan. 19 Kaya naman, mga kapatid, may pananalig tayong makakapasok sa kabanal-banalang lugar sa pamamagitan ng dugo ni Jesus. 20 Iyon ang paraan na kaniyang binuksan para sa atin sa pamamagitan ng kaniyang katawan, isang bago at buhay na daan sa pamamagitan ng tabing. 21 At dahil mayroon tayong dakilang pari sa bahay ng Diyos, 22 Lumapit tayo na may totoong puso na may lubos na katiyakan ng pananampalataya, na may mga pusong nawisikan at nilinis mula sa masamang budhi at ang ating katawan na nahugasan ng dalisay na tubig. 23 Panghawakan ding mabuti ang paghahayag ng ating pananalig ng walang pag-aalinlangan, sapagkat ang Diyos na siyang nangako ay tapat. 24 Kaya isaalang-alang natin kung paano pasisiglahin ang isa't- isa sa pag-ibig at sa mga mabubuting gawa. 25 Huwag tayong tumigil sa pagtitipon-tipon ng magkakasama, katulad ng ginawa ng ilan. Sa halip, palakasin pa natin ng higit ang isa't isa, ngayong nakikita ninyo na nalalapit na ang araw. 26 Sapagkat kung ating sasadyain ang paggawa ng kasalanan pagkatapos nating malaman ang kaalaman sa katotohanan, ang handog para sa kasalanan ay hindi na umiiral. 27 Sa halip, mayroon lamang tiyak na inaasahang nakakatakot na hatol at nagngangalit na apoy na tutupok sa mga kaaway ng Diyos. 28 Sinuman na lumabag sa kautusan ni Moises ay mamamatay ng walang awa sa patunay ng dalawa o tatlong saksi. 29 Gaano pa kaya kabigat na parusa sa akala ninyo ang nararapat sa taong yumurak sa Anak ng Diyos, sinumang magturing sa dugo ng tipan na hindi banal, ang dugo na kaniyang inihandog sa Diyos—sinuman na humamak sa Biyaya ng Espiritu 30 Sapagkat kilala natin ang nagsabi nito, "Akin ang paghihiganti at ako ang maniningil." At muli, "Hahatulan ng Panginoon ang kaniyang mga tao." 31 Nakakatakot nga ang mahulog sa mga kamay ng buhay na Diyos! 32 Ngunit alalahanin ninyo ang mga araw na nagdaan, pagkatapos na kayo ay maliwanagan kung papaanong kayo ay nagtiis ng matinding pagdurusa. 33 Nailantad kayo sa madla ng may pangungutya sa pamamagitan ng mga panlalait, pag-uusig at kayo ay kabilang sa mga nakaranas ng ganitong pagdurusa. 34 Sapagkat mayroon kayong habag sa mga bilanggo, at inyong tinanggap nang may kagalakan ang pagsamsam ng inyong mga ari-arian, na alam ninyo sa inyong mga sarili na mayroon kayong mas mabuti at walang hanggang pag-aari. 35 Kaya nga huwag ninyong isasawalang-bahala ang inyong pagtitiwala na may dakilang gantimpala. 36 Sapagkat kailangan ninyo ng pagtitiyaga upang inyong matanggap ang ipinangako ng Diyos pagkatapos ninyong magawa ang kaniyang kalooban. 37 "Sapagkat sa kaunting panahon, ang siyang paparating ay tiyak na darating at hindi ito maaantala. 38 Mabubuhay ang matuwid kong lingkod sa pamamagitan ng pananampalataya. Kung tatalikod siya, hindi ako masisiyahan sa kaniya." 39 Ngunit hindi tayo katulad ng ilang tumalikod at napahamak. Sa halip, tayo ay ilan sa mga may pananampalataya upang mapanatili ang ating mga kaluluwa.
Chapter 11
1 Ngayon ang pananampalataya ay ang katiyakan ng sino man kung siya ay nagtitiwalang naghihintay sa isang bagay. Ito ang katiyakan tungkol sa hindi pa nakita. 2 Sapagkat sa pamamagitan nito pinagtibay ang ating mga ninuno dahil sa kanilang pananampalataya. 3 Sa pamamagitan ng pananampalataya, nauunawaan natin na nilikha ang buong sanlibutan sa pamamagitan ng utos ng Diyos, upang kung ano man ang nakikita ay hindi nilikha mula sa mga bagay na nakikita. 4 Sa pamamagitan ito ng pananampalataya na si Abel ay nag-alay ng mas higit na kalugod-lugod na handog sa Diyos kaysa sa ginawa ni Cain. At dahil dito pinuri siya sa pagiging matuwid. Pinuri siya ng Diyos dahil sa mga handog na kaniyang inialay. Dahil diyan, si Abel ay nagsasalita pa rin kahit na siya ay patay na. 5 Sa pamamagitan ito ng pananampalataya na si Enoc ay kinuha pataas at hindi nakita ang kamatayan. "Hindi siya nahanap, dahil siya ay kinuha ng Diyos." Sapagkat ito ay sinabi sa kaniya na ang Diyos ay nalugod sa kaniya bago siya kunin. 6 Kung walang pananampalataya hindi maaaring bigyan ng kaluguran ang Diyos, at ang sino man na lalapit sa Diyos ay kinakailangang manalig na siya ay umiiral at gagantimpalan niya ang sino man na humahanap sa kaniya. 7 Sa pamamagitan ito ng pananampalataya na si Noe, ay binalaan ng Diyos ukol sa mga bagay na hindi pa nakita, nang may maka-diyos na paggalang ay gumawa ng isang daong upang mailigtas ang kaniyang pamilya. Sa paggawa nito, hinatulan niya ang mundo at naging tagapagmana ng katuwiran na nanggagaling sa pananampalataya. 8 Sa pamamagitan ito ng pananampalataya na si Abraham nang siya ay tinawag, Siya ay sumunod at nagtungo sa lugar na kaniyang tatanggapin bilang isang tagapagmana. Pumunta siya na hindi niya nalalaman kung saan siya tutungo. 9 Sa pamamagitan ng pananampalataya siya ay nanirahan sa lupang ipinangako bilang isang dayuhan. Siya ay namuhay sa tolda na kasama sina Isaac at Jacob na parehong tagapagmana ng pangako. 10 Ito ay dahil sa tumingin siya sa hinaharap sa pagtatayo ng isang lungsod na ang arketekto at tagapagpatayo ay ang Diyos. 11 Sa pamamagitan ito ng pananampalataya na si Abraham, at kahit na si Sarah mismo ay tumanggap ng kakayahang magbuntis kahit sila ay matanda na, sapagkat itinuring nila ang Dios na tapat, ang nangako sa kanila ng isang anak. 12 Samakatuwid galing din sa lalaking ito na malapit ng mamatay ay maipapanganak ang hindi mabilang na salinlahi. Sila ay naging kasing dami ng mga bituin sa langit at nang hindi mabilang na mga butil ng buhangin sa tabing dagat. 13 Ang lahat ng ito ay namatay sa pananampalataya na hindi tinanggap ang mga pangako, sa halip kahit malayo pa nakita at tinanggap na nila, na sila ay mga dayuhan at banyaga dito sa lupa. 14 Kaya sa mga nagsasabi ng ganoong mga bagay ay nagbibigay linaw na sila ay naghahanap ng kanilang sariling bayan. 15 Sa katunanayan, kung ang iniwan nilang lupain ang kanilang iniisip, sila ay may pagkakataon pang bumalik, 16 Subalit naghahangad sila ng mas mabuting bayan, na isang makalangit. Kaya naman hindi nahihiya ang Diyos na tawaging kanilang Diyos sapagkat naghanda siya ng isang lungsod para sa kanila. 17 Sa pamamagitan ito ng pananampalataya na si Abraham pagkatapos subuking ialay si Isaac. Oo siya na masayang tumanggap ng mga pangako ay inialay ang kaniyang nag-iisang anak, 18 tungkol sa kaniya ang sinabi, "Magmumula kay Isaac ang iyong mga salinlahi." 19 Isinaalang- alang ni Abraham na bubuhayin ng Diyos si Isaac mula sa mga patay, at sa matalinhagang pagsasalita, natanggap niya siyang muli. 20 Sa pamamagitan ito ng pananampalataya na pinagpala ni Isaac sina Jacob at Esau tungkol sa mga bagay na darating. 21 Sa pamamagitan ito ng pananampalataya na si Jacob, nang siya ay mamamatay na, pinagpala niya ang bawat isa sa mga anak ni Jose. Si Jacob ay sumamba na nakahilig sa taas ng kaniyang tungkod. 22 Ito ay sa pamamagitan din ng pananamplataya na si Jose, nang malapit na ang kaniyang katapusan, ay nagsalita patungkol sa paglisan ng mga anak ng Israel mula sa Egipto at inutos na dalhin kasama nila ang kaniyang mga buto. 23 Sa pamamagitan ito ng pananampalataya na si Moises, nang siya ay ipanganak ay itinago siya ng kaniyang mga magulang ng tatlong buwan dahil nakita nila na siya ay isang magandang bata at hindi sila takot sa utos ng hari. 24 Sa pamamagitan ito ng pananampalataya na si Moises, nang lumaki na ay tumangging tawagin na anak ng anak na babae ni Faraon. 25 Sa halip, pinili niyang makibahagi sa paghihirap ng mga tao ng Diyos kaysa sa magpakasaya sa panandaliang aliw ng kasalanan. 26 Itinuring niya na ang kahihiyan sa pagsunod kay Cristo ay higit pa sa kayamanan kaysa sa mga yaman ng mga Egipto, sapagkat itinuon niya ang kaniyang paningin sa hinaharap na darating na gantimpala. 27 Sa pamamagitan ito ng pananampalataya na si Moises ay iniwan ang Egipto. Hindi siya natakot sa galit ng hari, sapagkat tiniis niya sa pamamagitan ng pagtingin sa isang hindi pa nakikita. 28 Dahil sa kaniyang pananampalataya sinunod niya ang "Paskua" at ang pagwisik ng dugo upang ang mangwawasak sa bawat panganay ay hindi makahawak sa mga panganay na anak na lalaki ng mga Israelita. 29 Sa pamamagitan ito ng pananampalataya na sila ay tumawid sa dagat ng mga Tambo na parang nasa ibabaw ng tuyong lupa. Nang sinubok ng mga taga Ehipto na gawin ito, sila ay nilamon nito. 30 Sa pamamagitan ng pananampalataya nawasak ang pader ng Jerico matapos silang umikot sa palibot ng pitong araw. 31 Sa pamamagitan ito ng pananampalataya na si Rahab, ang babaeng nagbebenta ng aliw ay hindi namatay kasama ng mga suwail, dahil tinanggap niya ng may pag-iingat ang mga ispiya. 32 At ano pa ba ang aking sasabihin? Hindi na sapat ang aking oras kung isasalaysay ko pa ang tungkol kina Gideon, Barak, Samson, Jepta, David, Samuel, at ng mga propeta, 33 na sa pamamagitan ng pananampalataya ay sumakop ng mga kaharian, gumawa ng may katarungan, at tumanggap ng mga pangako. Sila ay nagpatikom ng bibig ng mga lion, 34 pinawi ang kapangyarihan ng apoy, tumakas sa talim ng espada, kung saan gumaling mula sa mga karamdaman, naging tanyag sa pakikipaglaban, at naging dahilan ng pagtakas ng mga sundalong dayuhan. 35 Tinanggap ng mga kababaihan ang kanilang mga patay sa pamamagitan ng muling pagkabuhay. Ang iba ay pinahirapan, ng hindi tinatanggap ang kanilang paglaya upang maranasan nila ang mas mainam na muling pagkabuhay. 36 Ang iba ay nagdusa ng pangaalipusta, at paghampas, oo, kahit ng mga kadena at pagkakulong. 37 Kung saan binato sila. Nilagari sila sa dalawa. Pinatay sila sa pamamagitan ng espada. Sila ay namuhay na nakadamit ng balat ng mga tupa at balat ng mga kambing na hirap na hirap, nagpakasakit at pinagmalupitan, 38 ( Sila na hindi karapat-dapat sa mundo), naglibot sa ilang, sa mga kabundukan, sa mga kuweba at sa mga butas sa lupa. 39 Bagamat ang lahat ng mga taong ito ay pinagtibay ng Diyos dahil sa kanilang pananampalataya, hindi nila natanggap ang anumang kaniyang ipinangako. 40 May inihanda ang Diyos sa simula pa na mas mainam para sa atin, dahil kung wala tayo hindi sila magiging ganap.
Chapter 12
1 Samakatwid, sapagkat napapaligiran tayo ng napakaraming mga saksi, itapon nating lahat ang mga bagay na nagpapabigat sa atin at ang kasalanan na madaling makagapos sa atin. Dapat may katiyagaan tayong magpatuloy sa takbuhin na inilagay sa ating harapan. 2 Dapat nating ituon ang ating mga mata kay Jesus, ang may-akda at nagpapaganap ng ating pananampalataya, dahil sa kagalakan na inilaan sa kaniya, na nagdala sa kaniya na nagtiis sa krus sa kabila ng kahihiyan, at umupo sa kanang kamay ng trono ng Diyos. 3 Kaya isinaalang-alang niya na tiisin ang mga masasakit na salita mula sa mga makasalan laban sa kaniya upang tayo ay hindi na mapapagod at manghihina. 4 Hindi niyo pa tinanggihan o nilabanan ang kasalanan na humantong sa pagkaubos ng dugo. 5 At nakalimutan na ninyo ang ibinigay na lakas at pag-asa na itinuro sa inyo bilang mga anak:" Aking anak, huwag mong babaliwalain ang pagdidisiplina ng Panginoon, ni ilayo ang iyong puso kung ikaw ay kanyang tinutuwid" 6 Sapagkat ang Panginoon ay nagdidisiplina sa sinumang minamahal niya, at pinarurusahan niya ang bawat anak na kanyang tinatanggap. 7 Tiisin ang pagsubok bilang pagdisiplina. Nakikitungo ang Diyos sa inyo bilang mga anak, sapagkat sino bang anak ang hindi dinidisiplina ng kaniyang ama? 8 Ngunit kung kayo ay walang disiplina, kung saan lahat tayo ay dapat kabahagi, kung gayon hindi kayo mga tunay na anak at mga anak sa labas. 9 Bukod dito, mayroon tayong mga makamundong amang nagdidisiplina sa atin, at iginagalang natin sila. Hindi ba dapat nararapat na mas higit tayong sumunod sa Ama ng mga espiritu at mabuhay? 10 Sapagkat ang ating mga ama nga ay nagdidisplina sa atin ng ilang mga taon sa alam nilang tama para sa kanila, subalit tayo ay dinidisiplina ng Diyos upang tayo ay makibahagi sa kaniyang kabanalan. 11 Walang disiplina sa kasalukuyan na masaya kundi masakit. Gayunpaman, sa ibang pagkakataon ito ay magbibigay ng mapayapang bunga ng katuwiran para sa sinumang nagsanay sa pamamagitan nito. 12 Samakatuwid itaas ninyo ang inyong mga kamay na nakababa at palakasing muli ang nanghihinang mga tuhod; 13 gawin mong matuwid ang mga daan ng iyong mga paa, upang ang sinumang pilay ay hindi maliligaw sa halip ay gagaling. 14 Sikapin ang kapayapaan sa lahat ng mga tao, at gayundin ang kabanalan na kung wala ito walang makakakita sa Panginoon. 15 Maging maingat upang walang sinuman ang hindi maisama mula sa biyaya ng Diyos, at walang ugat ng kapaitan ang tumubo upang maging dahilan ng hindi pagkakaunawaan at mahawa ang marami. 16 Maging maingat na walang maki-apid sa inyo, o hindi maka-diyos na tao kagaya ni Esau na ipinagpalit sa isang pagkain ang karapatan bilang panganay. 17 Sapagkat alam ninyo na pagkatapos, nang kaniyang naising makamit ang biyaya, siya ay tinanggihan dahil hindi siya nagkaroon ng pagkakataong magsisisi sa kaniyang ama, kahit na pilit niya itong hinangad nang may mga luha. 18 Sapagkat hindi kayo lumapit sa isang bundok na nahahawakan, isang bundok na nag-aalab ng apoy, kadiliman, kalungkutan at bagyo. 19 Hindi kayo pumarito dahil sa ingay ng trumpeta, o sa mga salitang galing sa isang tinig na ang mga nakarinig nito ay nagmamaka-awang wala ng salitang sasabihin sa kanila. 20 Sapagkat hindi nila kayang tanggapin kung ano man ang iniutos: na kahit may isang hayop na hahawak sa bundok, dapat itong batuhin," 21 Kaya nakakatakot ang tanawin na sinabi ni Moises," Ako ay sobrang nasindak na ako ay nanginginig. 22 Sa halip, kayo ay lumapit sa Bundok ng Zion at sa lungsod ng Diyos na buhay, ang makalangit na Jerusalem, at sa hindi mabilang na hukbo ng mga anghel na nagdiriwang. 23 Kayo ay lumalapit sa kapulungan ng mga unang ipinanganak na inilista sa langit, sa Diyos na hukom ng lahat, at sa mga espiritu ng katuwiran na naging ganap. 24 Kayo ay lumapit kay Jesus na tagapamagitan ng isang bagong tipan, at sa dugong naikalat na higit na nagsasalita ng mabuti kaysa sa dugo ni Abel. 25 Tiyakin ninyo na hindi ninyo tinanggihan ang nagsasalita. Sapagkat kung hindi sila nakatakas ng sila ay tumanggi sa isang nagbigay babala sa kanila dito sa lupa, tiyak na hindi tayo makakatakas, kung tatalikod tayo mula sa nagbabala mula sa langit. 26 At sa mga oras na iyon ang kaniyang tinig ang yayanig sa lupa. Subalit ngayon nangako siya at sinabi, "Minsan ko pang yayanigin hindi lamang ang lupa ngunit maging ang kalangitan." 27 Ang mga salitang ito na," Ngunit minsan pa," ay nagpapahiwatig sa pagtanggal ng mga bagay na nayayanig, iyon ay ang mga bagay na nilikha, upang ang mga bagay na hindi nayayanig ay mananatili. 28 Samakatuwid, magpapasalamat tayo sa pagtanggap ng isang kahariang hindi nayayanig, at sa ganitong pagpupuri sa Diyos sa paraang katanggaptanggap na may paggalang at paghanga 29 sapagkat ang ating Diyos ay parang apoy na nakakatupok
Chapter 13
1 Hayaang magpatuloy ang pag-ibig bilang mga magkakapatid. 2 Huwag kalimutang malugod na tanggapin ang mga dayuhan sapagkat sa paggawa nito ay hindi ninyo alam na ang iba sa mga tinatanggap ninyo ay mga anghel. 3 Alalahanin ninyo ang mga nasa bilangguan, na parang kayo ay kasama rin nila doon at ang inyong mga katawan ay pinagmamalupitan ng kagaya nila. 4 Dapat igalang ng lahat ang pag-aasawa at panatilihing dalisay ang pagtatalik ng mag-asawa, sapagkat hahatulan ng Diyos ang mga nakiki-apid at ang mga nangangalunya. 5 Dapat ang paraan ng inyong pamumuhay ay maging malaya mula sa labis na pagmamahal sa pera. Masiyahan sa mga bagay na mayroon kayo, sapagkat sinabi mismo ng Diyos," Hindi kita iiwan ni pababayaan man." 6 Dapat tayo ay masiyahan upang masabi natin ng may katapangan," Ang Panginoon ang tutulong sa akin hindi ako matatakot Ano ang magagawa ng sinuman sa akin. 7 Alalahanin ninyo ang mga nangunguna sa inyo, sa mga nagsasalita ng Salita ng Diyos sa inyo, at alalahanin ninyo ang bunga ng kanilang ugali; tularan ninyo ang kanilang pananampalataya. 8 Si Jesu- Cristo ay hindi nagbabago kahapon, ngayon at magpakaylan man. 9 Huwag kayong magpadala sa mga sari-sari at kakaibang mga katuruan, sapagkat mas mabuti na ang ating puso ay mahubog sa pamamagitan ng biyaya, hindi sa mga tuntunin ng mga pagkain na hindi naman nakakatulong upang sila ay mabuhay. 10 Mayroon tayong altar na kung saan ang mga naglilingkod sa tabernakulo ay walang karapatang kainin. 11 Sapagkat ang dugo ng mga hayop, na inialay para sa ating mga kaslanan, ay dadalhin ng pinaka-punong pari sa banal na lugar, ngunit ang kanilang katawan ay susunugin sa labas ng kampo 12 Samakatuwid si Jesus ay nagdusa rin sa labas ng tarangkahan papasok ng lungsod upang ialay ang mga tao sa Diyos sa pamamagitan ng kaniyang sariling dugo. 13 Kaya tayo ay dapat lumapit sa kaniya sa labas ng kampo, dala ang kaniyang kahihiyan. 14 Dahil wala tayong nanatiling lungsod dito, sa halip hinahanap natin ang lungsod na darating. 15 Sa pamamagitan ni Jesus dapat patuloy tayong mag-alay ng handog na papuri sa Dios, papuri na bunga ng ating mga labi na kumikilala sa kaniyang pangalan. 16 At huwag ninyong kalilimutang gumawa ng mabuti at tumulong sa bawat isa, sapagkat sa ganitong handog lubos na nalulugod ang Diyos. 17 Sumunod at magpasakop sa inyong mga pinuno, sapagkat sila ang nagbabantay sa inyo alang-alang sa inyong mga kaluluwa, tulad nilang may pananagutan. Sumunod upang kayo ay ingatan ng inyong mga pinuno na may kagalakan at hindi ng dalamhati, kung saan hindi ito makakatulong sa inyo. 18 Ipanalangin ninyo kami, sapagkat kami ay nakatitiyak na malilinis ang aming budhi, naghahangad na mabuhay ng kagalang-galang sa lahat ng mga bagay. 19 At hinihimok ko kayong lahat na gumawa pa ng mas higit dito, upang ako ay maaaring makabalik sa lalong madaling panahon. 20 Ngayon nawa ang Diyos ng kapayapaan, na siyang nagbalik mula sa kamatayan ang dakilang Pastol ng mga tupa, Ang ating Panginoong Jesus, sa pamamagitan ng dugo ng walang hanggang tipan, 21 ay magbigay sa inyo ng bawat mabubuting bagay upang gawin ang kaniyang kalooban, kumikilos sa atin na mga nakakalugod sa kaniyang paningin, sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, na nararapat tumanggap ng papuri magpakailan man. Amen 22 Ngayon hinihikayat ko kayo mga kapatid, na tanggapin ninyo ang salitang nagpapalakas sa maiksing sulat ko sa inyo. 23 Nais kong malaman ninyo na si Timoteo ay napalaya na, kung saan isasama ko siya sa aking pagdalaw kung darating siya kaagad. 24 Batiin ninyo ang lahat ng inyong mga pinuno at ang lahat ng mga mananampalataya. Ang mga taga- Italya ay bumabati sa inyo. 25 Ang biyaya ng Diyos ang sumainyo nawang lahat.