Tagalog: Tagalog Unlocked Literal Bible

Updated ? hours ago # views See on DCS Draft Material

Joel

Chapter 1

1 Ito ang salita ni Yahweh na dumating kay Joel na anak ni Petuel. 2 Pakinggan ito, kayong mga nakatatanda, at makinig kayo, lahat kayong naninirahan sa lupain. Nangyari na ba ito noon sa inyong panahon o sa panahon ng inyong mga ninuno? 3 Sabihin ninyo sa inyong mga anak ang tungkol dito at sabihin ng inyong mga anak sa kanilang mga anak at ng kanilang mga anak sa susunod na henerasyon. 4 Ang iniwan ng napakaraming nagliliparang balang ay kinain ng mga malalaking balang, ang iniwan ng mga malalaking balang ay kinain ng mga tipaklong, at ang iniwan ng mga tipaklong ay kinain ng mga uod. 5 Gumising kayo, kayong mga lasenggo at tumangis! Humagulhol kayo, lahat kayong mga manginginom ng alak dahil ang matamis na alak ay pinahinto na sa inyo. 6 Sapagkat dumating ang isang bansang malakas at hindi mabilang sa aking lupain. Ang kaniyang ngipin ay ngipin ng leon at mayroon siyang ngipin ng babaeng leon. 7 Ginawa niyang katakot-takot na lugar ang aking ubasan at tinalupan ang aking puno ng igos. Binaklas niya ang upak at itinapon ito, ang mga sanga nito ay namuti. 8 Magluksa kayo gaya ng isang birheng nakadamit ng telang magaspang dahil sa pagkamatay ng kaniyang batang asawa. 9 Ang butil na handog at inuming handog ay pinahinto sa tahanan ni Yahweh. Nagdadalamhati ang mga paring lingkod ni Yahweh. 10 Winasak ang mga bukirin at ang lupa ay nagdadalamhati. Sapagkat sinira ang butil, natuyo ang bagong alak at nabulok ang langis. 11 Mahiya kayo, kayong mga magsasaka at humagulhol kayo, kayong mga nagpapalaki ng puno ng ubas, para sa trigo at sebada. Sapagkat namatay ang ani ng mga bukirin. 12 Nalanta ang mga puno ng ubas at natuyo ang mga puno ng igos, ang mga puno ng granada, gayon din ang mga puno ng palma at mga puno ng mansanas— ang lahat ng puno ng bukirin ay nalanta. Sapagkat nalanta ang kagalakan mula sa mga kaapu-apuhan ng tao. 13 Magsuot kayo ng telang magaspang at magdalamhati kayo, kayong mga pari! Humagulhol kayo, kayong mga lingkod ng altar. Halikayo, humiga nang buong gabi na nakasuot ng telang magaspang, kayong mga lingkod ng aking Diyos. Sapagkat itinigil ang butil na handog at inuming handog sa tahanan ng inyong Diyos. 14 Magpatawag kayo para sa isang banal na pag-aayuno at magpatawag kayo para sa isang banal na pagtitipon. Tipunin ninyo sa tahanan ni Yahweh, na inyong Diyos, ang mga nakatatanda at lahat ng naninirahan sa lupain at umiyak kay Yahweh. 15 Oh sa araw na iyon! Sapagkat ang araw ni Yahweh ay malapit na. Kasama nitong darating ang pagkawasak na mula sa Makapangyarihan. 16 Hindi ba't nawala sa ating mga paningin ang pagkain, kagalakan at kasayahan mula sa tahanan ng ating Diyos? 17 Nabulok ang mga buto sa ilalim ng tumpok ng lupa, pinabayaan ang mga kamalig at giniba ang mga kamalig sapagkat nalanta ang butil. 18 Ganoon na lamang ang atungal ng mga hayop! Nagdurusa ang mga kawan ng baka dahil wala silang pastulan. Ganoon din, ang mga kawan ng tupa ay nagdurusa. 19 Yahweh, dumadaing ako sa iyo. Sapagkat nilamon ng apoy ang mga pastulan sa ilang, at sinunog ng apoy ang lahat ng puno sa parang. 20 Kahit ang mga hayop sa parang ay nagsisihingal sa iyo, sapagkat natuyo ang tubig sa batis, at nilamon ng apoy ang mga pastulan sa ilang.

Chapter 2

1 Hipan ninyo ang trumpeta sa Zion, at magpatunog ng hudyat sa aking banal na bundok! Manginig sa takot ang lahat ng nakatira sa lupain sapagkat dumarating ang araw ni Yahweh, tunay nga na ito ay malapit na. 2 Ito ay araw ng kadiliman at kapanglawan, araw ng mga ulap at makapal na kadiliman. Katulad ng bukang liwayway na lumalaganap sa mga bundok, paparating ang napakarami at malakas na hukbo. Hindi pa nagkaroon ng hukbong ganito at hindi na muling magkakaroon ng katulad nito, lumipas man ang maraming henerasyon. 3 Nilalamon ng apoy ang lahat ng nasa harapan nito at lumiliyab ang apoy sa likuran nito. Katulad ng hardin ng Eden ang lupain na nasa harapan nito ngunit sa likuran nito ay wasak na ilang. Tunay nga na walang makatatakas mula rito. 4 Ang anyo ng hukbo ay tulad ng mga kabayo, at tumatakbo sila na gaya ng mga mangangabayo. 5 Tumatalon sila nang may ingay na gaya ng mga karwahe sa ibabaw ng mga bundok, gaya ng ingay ng naglalagablab na apoy na tumutupok sa pinaggapasan, gaya ng napakaraming hukbo na handa para sa labanan. 6 Sa kanilang pagdating, nagdadalamhati ang mga tao at namumutla ang kanilang mga mukha. 7 Tumatakbo sila na gaya ng malalakas na mandirigma at inaakyat nila ang mga pader na gaya ng mga kawal; nagmamartsa sila, ang bawat isa sa kani-kaniyang hakbang at hindi sila humihiwalay sa kanilang mga hanay. 8 Hindi sila nagtutulakan, nagmamartsa sila, bawat isa sa kaniyang daanan, pinapasok nila ang pananggalang at hindi sila nawawala sa kanilang hanay. 9 Sumusugod sila nang mabilis sa lungsod, tumatakbo sila sa pader, umaakyat sila sa mga bahay at pumapasok sila sa mga bintana na gaya ng mga magnanakaw. 10 Nayayanig ang lupa sa harapan nila, nayayanig ang kalangitan, dumilim ang araw at buwan at tumigil sa pagningning ang mga bituin. 11 Pinalakas ni Yahweh ang kaniyang tinig sa harap ng kaniyang hukbo sapagkat napakarami ng kaniyang mandirigma, sapagkat sila ay malakas, ang mga gumagawa ng kaniyang mga utos. Sapagkat ang araw ni Yahweh ay dakila at nakatatakot. Sino ang makaliligtas dito? 12 "Gayon pa man," sinabi ni Yahweh, "Manumbalik kayo sa akin nang buong puso. Mag-ayuno kayo, tumangis at magdalamhati." 13 Punitin ninyo ang inyong puso at hindi lamang ang inyong mga kasuotan, at manumbalik kay Yahweh na inyong Diyos. Sapagkat siya ay mapagbigay-loob at maawain, hindi madaling magalit, sagana sa pagmamahal at nais niyang tumigil sa pagbibigay ng parusa. 14 Sinong nakakaalam? Marahil ay manumbalik siya at mahabag, at mag-iwan ng biyaya sa likuran niya, butil na handog at inuming handog para kay Yahweh na inyong Diyos. 15 Hipan ninyo ang trumpeta sa Zion, magpatawag kayo para sa isang banal na pag-aayuno at magpatawag kayo para sa isang banal na pagtitipon. 16 Tipunin ninyo ang mga tao, magpatawag kayo para sa banal na pagtitipon. Tipunin ninyo ang mga nakatatanda, ang mga bata at ang mga sanggol. Lumabas ang mga ikakasal na lalaki sa kanilang silid at ang mga babaeng ikakasal sa kanilang silid. 17 Manangis ang mga paring lingkod ni Yahweh sa pagitan ng balkonahe at altar. Sabihin nilang, "Maaawa ka sa iyong mga tao, Yahweh, at huwag mong dalhin sa kahihiyan ang iyong pamana upang pamahalaan sila ng mga bansa. Bakit sasabihin ng mga bansa, nasaan ang kanilang Diyos?" 18 At si Yahweh ay masikap para sa kaniyang lupain at naawa sa kaniyang mga tao. 19 Sumagot si Yahweh sa kaniyang mga tao, "Tingnan ninyo, magpapadala ako sa inyo ng butil, bagong alak at langis. Masisiyahan kayo sa mga ito at hindi ko na kayo gagawing kahiya-hiya sa mga bansa. 20 Aalisin ko ang hilagang mananalakay mula sa inyo at itataboy sila sa tuyo at pinabayaang lupain. Ang unahan ng kanilang hukbo ay pupunta sa silangang dagat at ang kanilang hulihan ay sa kanlurang dagat. Aalingasaw ang baho at masamang amoy nito. Gagawa ako ng mga dakilang bagay." 21 Huwag matakot, lupain, matuwa at magalak sapagkat gumawa si Yahweh ng mga dakilang bagay. 22 Huwag kayong matakot, mga hayop sa parang, sapagkat tutubo ang mga pastulan sa ilang, mamumunga ang mga puno at mamumunga ng maraming ani ang mga puno ng igos at ubas. 23 Matuwa kayo, mga tao ng Zion at magalak kay Yahweh na inyong Diyos. Sapagkat ibibigay niya sa inyo ang ulan ng taglagas sa nararapat na sukat at pabababain ang ulan para sa inyo, ang ulan ng taglagas at ang ulan ng tagsibol katulad noon. 24 Mapupuno ng trigo ang mga giikan, aapaw ang mga lalagyan ng bagong alak at langis. 25 "Ibabalik ko sa inyo ang mga taon ng mga pananim na kinain ng napakaraming nagliliparang mga balang, ng mga malalaking balang, ng mga tipaklong, at ng mga uod, ang aking malakas na hukbo na aking ipinadala sa inyo. 26 Kakain kayo nang sagana at mabubusog, at pupurihin ninyo ang pangalan ni Yahweh na inyong Diyos na gumawa ng mga kamangha-mangha sa inyo at hindi ko na muling ilalagay sa kahihiyan ang aking bayan. 27 Malalaman ninyo na ako ay nasa Israel, na ako si Yahweh na inyong Diyos, at wala ng iba, at hindi ko na muling ilalagay sa kahihiyan ang aking bayan. 28 At mangyayari pagkatapos, ibubuhos ko ang aking Espiritu sa lahat ng laman, at maghahayag ng propesiya ang inyong mga anak na lalaki at babae. Mananaginip ng mga panaginip ang inyong mga matatandang lalaki, makakakita ng mga pangitain ang inyong mga kabataang lalaki. 29 Gayon din sa mga utusan at babaeng utusan, ibubuhos ko ang aking Espiritu sa mga araw na iyon. 30 Magpapakita ako ng mga kamangha-mangha sa kalangitan at sa lupa ng dugo, apoy at mga haligi ng usok. 31 Magiging kadiliman ang araw at dugo ang buwan, bago dumating ang dakila at kakila-kilabot na araw ni Yahweh. 32 Mangyayari na ang lahat ng tatawag sa pangalan ni Yahweh ay maliligtas. Sapagkat may mga makatatakas sa Bundok ng Zion at sa Jerusalem, gaya ng sinabi ni Yahweh, at sa mga makaliligtas, ang mga tinawag ni Yahweh.

Chapter 3

1 Tingnan ninyo, sa mga araw na iyon at sa oras na iyon, kapag ibinalik ko ang pagkakabihag ng mga Juda at Jerusalem, 2 titipunin ko ang lahat ng mga bansa at dadalhin sila pababa sa bayan ni Jehoshafat. Hahatulan ko sila doon, dahil sa aking mga tao at ang aking tagapagmanang Israel na kanilang ikinalat sa mga bansa at dahil hinati-hati nila ang aking lupain. 3 Nagpalabunutan sila para sa aking mga tao, ipinagpalit ang batang lalaki para sa nagbebenta ng aliw at ipinagbili ang batang babae para sa alak upang sila ay makainom. 4 Ngayon, bakit kayo nagagalit sa akin mga taga-Tiro, Sidon at sa lahat ng nasa rehiyon ng Filistea? Gagantihan ba ninyo ako? Kahit pa gumanti kayo sa akin, kaagad kong ibabalik ang paghihiganti sa inyong mga sariling ulo. 5 Sapagkat kinuha ninyo ang aking pilak at ang aking ginto, at idinala ninyo ang aking mga mahahalagang kayamanan sa inyong mga templo. 6 Ipinagbili ninyo ang mga tao ng Juda at Jerusalem sa mga Griego, upang mailayo ninyo sila sa kanilang lupain. 7 Tingnan ninyo, paaalisin ko na sila mula sa mga lugar kung saan ninyo sila ipinagbili at ibabalik ko sa inyong mga ulo ang inyong ganti. 8 Ipagbibili ko ang inyong mga anak sa pamamagitan ng mga kamay ng mga tao ng Juda. Ipagbibili sila sa mga Sabeo, isang malayong bansa sapagkat ito ang sinabi ni Yahweh. 9 Ipahayag ninyo ito sa mga bansa: 'Ilaan ninyo ang inyong sarili para sa isang digmaan, gisingin ninyo ang mga malalakas na kalalakihan, hayaan silang lumapit at hayaang sumalakay ang lahat ng mandirigma. 10 Gawin ninyong mga espada ang inyong mga araro at ang inyong mga pangtabas na mga sibat. Hayaang sabihin ng mga mahihina, "Ako ay malakas." 11 Magmadali kayo at pumarito, kayong mga karatig bansa at magtipun-tipon kayo.' Ipadala mo doon ang iyong mga malalakas na mandirigma, Yahweh. 12 Hayaan mong gisingin ng mga bansa ang kanilang mga sarili at pumunta sa lambak ni Jehoshafat. Sapagkat doon ako uupo upang hatulan ang lahat ng nakapalibot na mga bansa. 13 Gamitin ninyo ang karit dahil hinog na ang ani. Halikayo, durugin ninyo ang mga ubas dahil puno na ang mga pigaan ng ubas, umaapaw na ang mga kawa dahil katakut-takot ang kanilang kasamaan. 14 Mayroong kaguluhan, isang kaguluhan sa lambak ng Paghuhukom. Dahil ang araw ni Yahweh ay malapit sa lambak ng Paghuhukom. 15 Didilim ang araw at buwan, mawawalan ng liwanag ang mga bituin. 16 Sisigaw si Yahweh mula sa Zion, at lalakas ang kaniyang tinig mula sa Jerusalem. Mayayanig ang kalangitan at lupa, ngunit si Yahweh ang magiging kanlungan ng kaniyang mga tao at sandigan para sa mga tao ng Israel. 17 "Upang malaman ninyo na ako si Yahweh ang inyong Diyos na nananahan sa Zion, sa aking banal na bundok. At magiging banal ang Jerusalem, at wala nang hukbo ang muling sasalakay pa sa kaniya. 18 At mangyayari nga sa araw na iyon na papatak ang matamis na alak sa mga bundok, aapaw ang gatas sa mga burol, dadaloy ang tubig sa lahat ng mga batis ng Juda, at isang bukal ang manggagaling sa tahanan ni Yahweh at didiligan ang lambak ng Acacia. 19 Magiging wasak na lugar ang Egipto at magiging napabayaang ilang ang Edom dahil sa ginawa nilang karahasan sa mga tao ng Juda, dahil nagpadanak sila ng dugo ng mga walang kasalanan sa kanilang lupain. 20 Ngunit mananahan ang Juda magpakailanman, at mananahan ang mga salinlahi ng Jerusalem. 21 Ipaghihiganti ko ang kanilang dugo na hindi ko pa naipaghiganti," sapagkat nananahan si Yahweh sa Zion.