Hosea
Chapter 1
1 Ito ang salita ni Yahweh na dumating kay Hosea, na anak na lalaki ni Beeri sa panahon nina Uzias, Jotam, Ahaz, at Hezekias na mga hari ng Juda, at sa panahon ni Jeroboam, na anak na lalaki ni Jehoas na hari ng Israel. 2 Noong unang magsalita si Yahweh sa pamamagitan ni Hosea, sinabi niya sa kaniya, "Humayo ka, mag-asawa ka ng babaing nagbebenta ng aliw. Magkakaroon siya ng mga anak na bunga ng kaniyang pagbebenta ng aliw. Sapagkat nagkakasala ang lupain ng matinding gawain ng pagbebenta ng aliw habang tinatalikuran ako." 3 Kaya, humayo si Hosea at pinakasalan si Gomer na anak na babae ni Diblaim, at nagbuntis siya at nagsilang siya sa kaniya ng isang anak na lalaki. 4 Sinabi ni Yahweh kay Hosea, "Tawagin mo siya sa pangalang Jezreel. Sapagkat hindi magtatagal, paparusahan ko ang sambahayan ni Jehu dahil sa pagdanak ng dugo sa Jezreel at wawakasan ko ang kaharian ng sambahayan ni Israel. 5 Mangyayari ito sa araw na iyon na babaliin ko ang pana ng Israel sa lambak ng Jezreel." 6 Nagbuntis muli si Gomer at nagsilang ng isang anak na babae. At sinabi ni Yahweh kay Hosea, "Tawagin mo siya sa pangalang Lo-ruhama, sapagkat hindi na ako mahahabag sa sambahayan ni Israel, ni dapat ko pa silang patawarin. 7 Ngunit mahahabag ako sa sambahayan ni Juda, at ako mismo, si Yahweh na kanilang Diyos ang magliligtas sa kanila. Hindi ko sila ililigtas sa pamamagitan ng pana, espada, digmaan, mga kabayo, o ng mga mangangabayo." 8 Nang maawat ni Gomer si Lo-ruhama sa pagsuso, nagbuntis siya at nagsilang ng isa pang anak na lalaki. 9 At sinabi ni Yahweh, "Tawagin mo siya sa pangalang Lo-ammi, sapagkat hindi ko kayo mga tao at hindi ako ang inyong Diyos. 10 Ngunit ang bilang ng mga tao ng Israel ay magiging tulad ng buhangin sa dalampasigan, na hindi masusukat o mabibilang. Mangyayari ito kung saan sinabi sa kanila na, 'Hindi ko kayo mga tao,' sasabihin ito sa kanila, 'Kayo ay mga tao ng buhay na Diyos.' 11 Titipunin ang mga tao ng Juda at mga tao ng Israel. Magtatalaga sila ng isang pinuno para sa kanila at lalabas sila mula sa lupain, sapagkat magiging dakila ang araw ng Jezreel.
Chapter 2
1 Sabihin ninyo sa inyong mga kapatid na lalaki, 'Aking mga tao!' at sa inyong mga kapatid na babae, 'Pinakitaan kayo ng habag.'" 2 Isakdal mo ang iyong ina, isakdal mo, sapagkat hindi ko siya asawa, at hindi rin niya ako asawa. Hayaan mong alisin niya ang kaniyang pagbebenta ng aliw mula sa kaniyang harapan, at ang kaniyang mga gawaing pangangalunya sa pagitan ng kaniyang mga suso. 3 Kung hindi, huhubaran ko siya at ipapakita ang kaniyang kahubaran gaya sa araw ng kaniyang pagkasilang. Gagawin ko siyang tulad ng ilang, tulad ng isang tigang na lupa at papatayin ko siya sa uhaw. 4 Hindi ako mahahabag sa kaniyang mga anak, sapagkat sila ay mga anak sa pagbebenta ng aliw. 5 Sapagkat ang kanilang ina ay naging babaing nagbebenta ng aliw, at siya na nagbuntis sa kanila ay gumawa ng kahiya-hiya. Sinabi niya, "Susundan ko ang aking mga mangingibig, sapagkat ibinibigay nila sa akin ang aking tinapay at tubig, ang aking lana at lino, ang aking langis at inumin." 6 Kaya gagawa ako ng bakod ng mga tinik upang harangan ang kaniyang daraanan. Gagawa ako ng pader laban sa kaniya upang hindi niya makita ang kaniyang daraanan. 7 Hahabulin niya ang kaniyang mga mangingibig, ngunit hindi niya sila maaabutan. Hahanapin niya sila, ngunit hindi niya sila matatagpuan. Pagkatapos, sasabihin niya, "Babalik ako sa aking unang asawa, sapagkat mas mabuti para sa akin noon kaysa ngayon." 8 Sapagkat hindi niya nalamang ako ang nagbigay sa kaniya ng butil, ng bagong alak at ng langis, at ang nagbigay sa kaniya ng labis-labis na pilak at ginto, na ginamit naman nila para kay Baal. 9 Kaya babawiin ko ang kaniyang butil sa panahon ng anihan at ang aking bagong alak sa kapanahunan nito. Babawiin ko ang aking lana at lino na ginamit upang takpan ang kaniyang kahubaran. 10 Pagkatapos, huhubaran ko siya sa harapan ng kaniyang mga mangingibig, at walang magliligtas sa kaniya mula sa aking kamay. 11 Patitigilin ko rin ang lahat ng kaniyang mga pagdiriwang—ang kaniyang mga pista, ang kaniyang mga pagdiriwang sa bagong buwan, ang kaniyang mga Araw ng Pamamahinga, at ang lahat ng kaniyang mga itinakdang kapistahan. 12 Wawasakin ko ang kaniyang mga puno ng ubas at ang kaniyang mga puno ng igos, na sinabi niya, "Ito ang mga kabayarang ibinigay sa akin ng aking mga mangingibig." Gagawin kong gubat ang mga ito, at kakainin ng mga hayop sa parang ang mga ito. 13 Paparusahan ko siya dahil sa mga araw ng pista ng mga Baal, nang nagsunog siya ng insenso sa kanila, nang pinalamutian niya ang kaniyang sarili ng kaniyang mga singsing at alahas, at sinundan niya ang kaniyang mga mangingibig at nilimot ako." Ito ang pahayag ni Yahweh. 14 Kaya susuyuin ko siya upang manumbalik. Dadalhin ko siya sa ilang at magiliw ko siyang kakausapin. 15 Ibabalik ko sa kaniya ang kaniyang mga ubasan, at ang lambak ng Achor bilang pintuan ng pag-asa. Sasagot siya sa akin doon gaya ng ginawa niya sa panahon ng kaniyang kabataan, gaya sa panahon nang lumabas siya sa lupain ng Egipto. 16 "Mangyayari ito sa araw na iyon"—ito ang pahayag ni Yahweh—"na tatawagin mo akong, 'Aking asawa,' at hindi mo na ako tatawagin pang, 'Aking Baal.' 17 Sapagkat tatanggalin ko ang mga pangalan ng mga Baal mula sa kaniyang bibig, hindi na maaalala pa ang kanilang mga pangalan." 18 "Sa araw na iyon, gagawa ako ng kasunduan para sa kanila sa mga hayop sa parang, sa mga ibon sa himpapawid, at sa mga bagay na gumagapang sa lupa. Paaalisin ko ang pana, ang espada, at ang digmaan mula sa lupain at pahihigain kita nang ligtas. 19 Ipapangako kong magiging asawa mo ako magpakailanman. Ipapangako kong magiging asawa mo ako sa katuwiran, sa katarungan, sa katapatan sa kasunduan at sa kahabagan. 20 Ipapangako kong magiging asawa mo ako sa katapatan. At makikilala mo ako, si Yahweh. 21 At sa araw na iyon, sasagot ako"—ito ang pahayag ni Yahweh. "Sasagutin ko ang mga langit at sasagutin ng mga ito ang lupa. 22 Sasagutin ng lupa ang butil, ang bagong alak at ang langis at sasagutin ng mga ito ang Jezreel. 23 Itatanim ko siya sa lupain para sa akin, at kahahabagan ko si Lo-ruhama. Sasabihin ko kay Lo-Ammi, 'Ikaw si Ammi Attah,' at sasabihin niya sa akin, 'Ikaw ang aking Diyos.'"
Chapter 3
1 Sinabi sa akin ni Yahweh, "Humayo kang muli, umibig ka sa isang babae, na inibig ng kaniyang asawa, ngunit isang mangangalunya. Ibigin mo siya gaya ko, si Yahweh, na iniibig ang mga tao ng Israel, kahit na bumabaling sila sa ibang mga diyos at iniibig ang mga tinapay na may pasas." 2 Kaya binili ko siya para sa aking sarili ng labinlimang pirasong pilak at ng isang homer at isang lethek ng sebada. 3 Sinabi ko sa kaniya, "Mamuhay ka kasama ko ng mahabang panahon. Hindi ka na magiging babaing nagbebenta ng aliw o magiging pag-aari ng sinumang ibang lalaki. gayundin naman, makakasama mo ako." 4 Sapagkat mamumuhay sa mahabang panahon ang mga tao ng Israel nang walang hari, prinsipe, alay, haliging bato, efod o mga diyus-diyosan sa sambahayan. 5 Pagkatapos, manunumbalik at hahanapin ng mga tao ng Israel si Yahweh na kanilang Diyos at si David na kanilang hari. At sa huling mga araw, lalapit silang nanginginig sa harapan ni Yahweh at sa kaniyang kabutihan.
Chapter 4
1 Pakinggan ninyo ang salita ni Yahweh, kayong mga tao ng Israel. May hindi pagkakasunduan si Yahweh laban sa mga naninirahan sa lupain, sapagkat walang katotohanan o katapatan sa kasunduan at walang kaalaman ng Diyos sa lupain. 2 May pagsusumpa, pagsisinungaling, pagpatay, pagnanakaw at pangangalunya. Nilabag ng mga tao ang lahat ng hangganan at sunod-sunod ang pagdanak ng dugo. 3 Kaya natutuyo ang lupain at mawawala ang bawat isa na nakatira roon. Ang mga hayop sa mga bukirin at ang mga ibon sa himpapawid; maging ang mga isda sa dagat ay kukunin. 4 Ngunit huwag payagang magsakdal ang sinuman; huwag hayaang paratangan ng sinuman ang iba. Sapagkat kayo, ang mga pari, na aking pinaparatangan. 5 Matitisod kayong mga pari sa araw; matitisod din kasama ninyo ang mga propeta sa gabi at aking wawasakin ang inyong ina. 6 Malilipol ang aking mga tao dahil sa kakulangan ng kaalaman. Sapagkat tinanggihan ninyong mga pari ang kaalaman, tatanggihan ko rin kayo bilang mga pari sa akin. Sapagkat kinalimutan ninyo ang aking kautusan, bagaman ako ang inyong Diyos, kakalimutan ko din ang inyong mga anak. 7 Kung gaano dumarami ang mga pari, mas lalo silang nagkasala laban sa akin. Papalitan ko nang kahihiyan ang kanilang karangalan. 8 Pinakain sila sa kasalanan ng aking mga tao; sakim sila sa labis pa nilang kasamaan. 9 Magiging pareho ang para sa mga tao gaya ng sa mga pari: paparusahan ko silang lahat para sa kanilang mga ginagawa; pagbabayarin ko sila sa kanilang mga ginagawa. 10 Makakakain sila ngunit hindi sapat; magbebenta sila ng aliw ngunit hindi sila darami, sapagkat lumayo sila sa akin, na si Yahweh at iniwan ako. 11 Ang mahalay na gawain, ang alak at bagong alak ang nag-alis sa kanilang pang-unawa. 12 Sumasangguni ang aking mga tao sa kanilang mga diyus-diyosan na kahoy, ang kanilang mga tungkod ang nagbibigay sa kanila ng mga hula. Sapagkat ang espiritu ng kahalayan ang nagligaw sa kanila at iniwan nila ako, na kanilang Diyos. 13 Nag-aalay sila sa mga tuktok ng mga bundok at nagsusunog ng insenso sa mga burol, sa ilalim ng mga ensina, mga alamo at mga roble, sapagkat mabuti ang lilim ng mga iyon. Kaya naman nakagawa ng sekswal na imoralidad ang inyong mga anak na babae at nangangalunya ang inyong mga manugang na babae. 14 Hindi ko parurusahan ang inyong mga anak na babae nang pinili nilang gumawa ng sekswal na imoralidad ni ang inyong mga manugang na babae nang nangalunya sila. Sapagkat ibinigay din ng mga kalalakihan ang kanilang mga sarili sa mga babaing nagbebenta ng aliw, at nag-alay sila ng mga handog upang makagawa sila ng mga imoral na mga gawain kasama ang mga babaing nagbebenta ng aliw. Kaya ang mga taong ito na hindi nakakaunawa ay malilipol. 15 Bagaman, ikaw Israel ay nakagawa ng pangangalunya, nawa ay hindi magkasala ang Juda. Huwag kayong pumunta sa Gilgal, kayong mga tao; huwag umakyat sa Beth-aven. At huwag sumumpa, "Sapagkat buhay si Yahweh." 16 Sapagkat matigas ang ulo ng Israel, tulad ng isang babaing guya na matigas ang ulo. Paano sila dadalhin ni Yahweh sa pastulan tulad ng mga tupa sa isang malawak na pastulan? 17 Nakiisa ang Efraim sa mga diyus-diyosan, pabayaan siyang mag-isa. 18 Kahit maubos na ang kanilang matatapang na inumin, patuloy silang gumagawa ng pangangalunya; iniibig ng kaniyang mga pinuno ang kanilang kahihiyan. 19 Babalutin ng hangin sa kaniyang mga pakpak; at mapapahiya sila dahil sa kanilang mga handog.
Chapter 5
1 Pakinggan ninyo ito, mga pari! Bigyan ninyo ng pansin, sambahayan ng Israel! Makinig, sambahayan ng hari! Sapagkat paparating na ang paghuhukom laban sa inyong lahat. Naging isang bitag kayo sa Mizpa at isang nakalatag na lambat sa buong Tabor. 2 Nalunod sa pagkakatay ang mga maghihimagsik, ngunit sasawayin ko silang lahat. 3 Kilala ko ang Efraim at hindi lingid sa akin ang Israel. Efraim, ngayon na naging tulad ka ng isang babaing nagbebenta ng aliw; nadungisan ang Israel. 4 Hindi sila pahihintulutan ng kanilang mga gawa upang manumbalik sa akin, na kanilang Diyos, sapagkat nasa kanila ang espiritu ng pangangalunya, at hindi nila ako nakikilala, si Yahweh. 5 Nagpapatotoo ang pagmamataas ng Israel laban sa kaniya; kaya matitisod ang Israel at Efraim sa kanilang mga kasalanan; at matitisod din ang Juda kasama nila. 6 Aalis sila kasama ang kanilang mga kawan at mga bakahan upang hanapin si Yahweh, ngunit hindi nila siya matatagpuan, sapagkat lumayo siya sa kanila. 7 Hindi sila naging tapat kay Yahweh, sapagkat nagkaroon sila ng mga anak sa labas. Lalamunin sila ngayon ng mga pista ng bagong buwan kasama ng kanilang mga bukirin. 8 Hipan ang tambuli sa Gibea, at ang trumpeta sa Rama. Patunugin ang hudyat ng pakikipaglaban sa Beth-aven: 'Susunod kami sa iyo, Benjamin!' 9 Magiging isang lagim ang Efraim sa araw ng pagpaparusa. Kabilang sa mga tribo ng Israel na aking ipinahayag kung ano ang tunay na mangyayari. 10 Ang mga pinuno ng Juda ay tulad ng mga naglilipat ng batong palatandaan. Ibubuhos ko sa kanila ang aking galit na tulad ng tubig. 11 Nadurog ang Efraim, nadurog siya sa paghuhukom, dahil disidido siyang yumukod sa mga diyus-diyosan. 12 Para akong isang tanga sa damit sa Efraim, at tulad ng bulok sa tahanan ng Juda. 13 Nang makita ng Efraim ang kaniyang pagkakasakit, at nakita ng Juda ang kaniyang sugat, pumunta ang Efraim sa Asiria at nagpadala ang Juda ng mga mensahero sa dakilang hari. Ngunit wala siyang kakayahan upang pagalingin kayong mga tao o pagalingin ang inyong sugat. 14 Kaya magiging tulad ako ng isang leon sa Efraim, at tulad naman ng isang batang leon naman sa sambahayan ng Juda. Ako, maging ako, ang gugutay at aalis; ako ang mag-aalis sa kanila at walang sinuman ang makapagliligtas sa kanila. 15 Aalis ako at babalik sa aking lugar, hanggang sa aminin nila ang kanilang kasalanan at hanapin ang aking mukha, hanggang sa hanapin nila ako ng masigasig sa kanilang pagdadalamhati."
Chapter 6
1 Halikayo, manumbalik tayo kay Yahweh. Sapagkat pinagpira-piraso niya tayo, ngunit pagagalingin niya tayo; Sinugatan niya tayo, ngunit tatalian niya ang ating mga sugat. 2 Pagkatapos ng dalawang araw, bubuhayin niya tayo; ibabangon niya tayo sa ikatlong araw, at mabubuhay tayo sa kaniyang harapan. 3 Kilalanin natin si Yahweh; sikapin nating makilala si Yahweh. Ang kaniyang paglabas ay tiyak na parang bukang-liwayway; darating siya sa atin tulad ng ambon, tulad ng ulan sa tagsibol na dumidilig ng lupain." 4 Ano ang gagawin ko sa inyo, Efraim? Ano ang gagawin ko sa inyo, Juda. Ang inyong katapatan ay tulad ng ulap sa umaga, tulad ng hamog na mabilis na nawawala. 5 Kaya pinutol ko sila ng pira-piraso sa pamamagitan ng mga propeta, pinatay ko sila ng mga salita ng aking mga bibig. Ang iyong utos ay tulad ng ilaw na nagliliwanag. 6 Sapagkat hangad ko ang katapatan at hindi mga handog at ang aking kaalaman, ang Diyos ay higit pa sa mga susunuging handog. 7 Tulad ni Adan, sinira nila ang kasunduan; hindi sila naging tapat sa akin. 8 Ang Gilead ay isang lungsod ng mga gumagawa ng kasamaan, puno ng bakas ng dugo. 9 Gaya ng pangkat ng mga magnanakaw na naghihintay sa isang tao, kaya nagsama-sama ang mga pari upang pumatay sa daan patungong Shekem; nakagawa sila ng kahiya-hiyang mga kasalanan. 10 Nakita ko sa sambahayan ng Israel ang mga kakila-kilabot na bagay. Nandoon ang pagbebenta ng aliw ng Efraim, at nadungisan ang Israel. 11 Sa iyo man, Juda, ay may nakatakdang pag-aani, kapag naibalik ko na ang mabuting kapalaran ng aking mga tao.
Chapter 7
1 Kapag nais kong pagalingin ang Israel, mabubunyag ang kasalanan ng Efraim, ganun din ang masamang mga gawa ng Samaria, sapagkat gumagawa sila ng panlilinlang, pumasok ang isang magnanakaw at isang pangkat ng mandarambong ang lumusob sa lansangan. 2 Hindi napagtanto ng kanilang mga puso na naalala ko ang lahat ng kanilang masasamang gawa. Ngayon, napalibutan sila ng kanilang masasamang gawa, sila ay nasa aking harapan. 3 Pinasaya nila ang hari sa kanilang kasamaan at ang mga opisyal sa kanilang mga kasinungalingan. 4 Mangangalunya silang lahat, tulad ng pinapainit na isang pugon ng panadero, na humihinto sa paggalaw sa apoy mula sa pagmamasa hanggang sa pag-alsa nito. 5 Sa araw ng ating hari, nilasing ng mga opisyal ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng init ng alak. Iniabot niya ang kaniyang kamay sa mga nangutya. 6 Sapagkat tulad ng isang pugon ang kanilang mga puso, binabalangkas nila ang mapanlinlang nilang mga balak. Magdamag na nagbabaga ang kanilang galit; nagliliyab ito na tulad ng apoy sa umaga. 7 Mainit silang lahat tulad ng isang pugon, at pinagpapatay nila ang mga namumuno sa kanila. Bumagsak ang lahat ng kanilang mga hari; wala kahit isa sa kanila ang tumawag sa akin. 8 Nakihalo ang Efraim sa mga tao, isang manipis na tinapay ang Efraim na hindi pa nabaliktad. 9 Inubos ng mga dayuhan ang kaniyang lakas, ngunit hindi niya ito nalalaman. Nagkalat ang kaniyang puting buhok, ngunit hindi niya ito nalalaman. 10 Ang pagmamataas ng Israel ay nagpatotoo laban sa kaniya; gayunpaman, hindi sila nagbalikloob kay Yahweh na kanilang Diyos, ni hinanap nila siya, sa kabila ng lahat ng ito. 11 Tulad ng isang kalapati ang Efraim, mapaniwalain at walang pang-unawa, tumatawag sa Egipto at lilipad patungong Asiria. 12 Kapag aalis sila, ilalatag ko sa kanila ang aking lambat, ibabagsak ko sila tulad ng mga ibon sa kalangitan. Parurusahan ko sila sa kanilang pagsasama-sama. 13 Kahabag-habag sila! Dahil kumawala sila mula sa akin. Darating sa kanila ang pagkawasak! Naghimagsik sila laban sa akin! Ililigtas ko sana sila, ngunit nagsalita sila ng kasinungalingan laban sa akin. 14 Hindi sila tumawag sa akin ng buong puso, ngunit humagulgol sila sa kanilang mga higaan. Sinusugatan nila ang kanilang mga sarili upang magkaroon ng trigo at bagong alak at lumayo sila mula sa akin. 15 Bagama't sinanay ko sila at pinalakas ang kanilang mga bisig, nagbabalak sila ngayon ng masama laban sa akin. 16 Bumalik sila, ngunit hindi sila bumalik sa akin, ang Kataas-taasan. Tulad sila ng isang sirang pana. Babagsak ang kanilang mga opisyal sa pamamagitan ng espada dahil sa kawalang-galang ng kanilang mga dila. Magiging dahilan ito ng pangungutya sa kanila sa lupain ng Egipto.
Chapter 8
1 "Maglagay ng isang trumpeta sa inyong mga labi. Paparating ang isang agila sa aking tahanan, si Yahweh. Nangyayari ito dahil sinuway ng mga tao ang aking kasunduan at naghimagsik laban sa aking kautusan. 2 Tumawag sila sa akin, 'Aking Diyos, kami sa Israel ay kilala ka.' 3 Ngunit tinatalikuran ng Israel kung ano ang mabuti, at tutugisin siya ng kaniyang kaaway. 4 Nagtalaga sila ng mga hari, ngunit hindi sa pamamagitan ko, gumawa sila ng mga prinsipe, ngunit hindi ko nalalaman. Sa pamamagitan ng kanilang mga pilak at ginto gumawa sila ng mga diyus-diyosan para sa kanilang mga sarili, ngunit ito ay nangyari upang sila ay mapapahamak." 5 Sinabi ng propeta, "itinapon niya ang inyong guya, Samaria." sinabi ni Yahweh, "Nagliliyab ang aking galit laban sa mga taong ito. Hanggang kailan sila mananatiling marumi? 6 Sapagkat nagmula ang diyus-diyosang ito sa Israel; ginawa ito ng manggagawa; hindi ito Diyos! Dudurugin ng pira-piraso ang guya ng Samaria. 7 Sapagkat itinanim ng mga tao ang hangin at umani ng ipu-ipo. Ang nakatayong trigo ay walang mga uhay; hindi ito makapagbibigay ng harina. Kung mahihinog man ito, uubusin ito ng mga dayuhan. 8 Nilunok ang Israel, ngayon nagsinungaling sila sa mga bansa tulad ng walang pakinabang. 9 Sapagkat pumunta sila sa Asiria tulad ng mailap na asno na nag-iisa. Umupa ang Efraim ng mangingibig para sa kaniyang sarili. 10 Kahit na umupa sila ng mangingibig sa mga bansa, muli ko silang titipunin. Sisimulan ko silang itatapon dahil sa pang-aapi ng hari at mga prinsipe. 11 Sapagkat nagparami ng mga altar ang Efraim na alayan para sa kasalanan, subalit naging mga altar ang mga ito para makagawa ng mga kasalanan. 12 Maaari kong isulat ng sampung libong beses ang aking kautusan para sa kanila, ngunit titingnan lang nila ito tulad ng isang bagay na kakaiba sa kanila. 13 Patungkol sa mga alay na mga handog sa akin, nag-alay sila ng karne at kinain ito, ngunit ako, si Yahweh, ay hindi tinatanggap ang mga ito. Ngayon alalahanin ko ang kanilang kasamaan at parurushan ang kanilang mga kasalanan. Babalik sila sa Egipto. 14 Kinalimutan ako ng Israel, ang kaniyang manlilikha at nagpatayo ng mga palasyo. Pinatibay ni Juda ang maraming mga lungsod, ngunit magpapadala ako ng apoy sa kaniyang mga lungsod at sisirain nito ang kaniyang mga kuta.
Chapter 9
1 Huwag kang magalak, Israel, sa tuwa na tulad ng ibang mga tao. Sapagkat hindi ka naging tapat, tinalikuran ang iyong Diyos. Kinagiliwan mo ang magbayad ng sahod na hinihingi ng isang babaing nagbebenta ng aliw sa lahat ng mga giikan. 2 Ngunit ang giikan at ang pisaan ng ubas ay hindi magpapakain sa kanila; bibiguin siya ng bagong alak. 3 Hindi sila patuloy na maninirahan sa lupain ni Yahweh, sa halip, babalik sa Egipto ang Efraim, at isang araw kakain sila ng maruming pagkain sa Asiria. 4 Hindi na sila magbubuhos ng mga handog na alak kay Yahweh, ni hindi na nakalulugod sa kaniya ang mga ito. Magiging tulad sa pagkain ng nagluluksa ang kanilang mga alay: ang lahat ng kakain nito ay magiging marumi. Sapagkat para sa kanila lamang ang kanilang pagkain, hindi ito makakarating sa tahanan ni Yahweh. 5 Ano ang gagawin mo sa araw ng itinakdang kapistahan, sa araw ng kapistahan para kay Yahweh? 6 Sapagkat, tingnan ninyo, kung nakatakas man sila mula sa pagkawasak, titipunin sila ng Egipto at ililibing sila ng Memfis. Ang kanilang kayamanan na pilak—matatakpan ang mga ito ng matatalim na dawag at mapupuno ng mga tinik ang kanilang mga tolda. 7 Parating na ang mga araw ng pagpaparusa, parating na ang araw ng paghihiganti. Hayaang malaman ng buong Israel ang mga bagay ito. Ang isang propeta ay hangal, nasiraan ng ulo ang lalaking kinasiyahan, dahil sa labis ng inyong kasamaan at labis na poot. 8 Ang propeta na kasama ng aking Diyos ay ang bantay para sa Efraim, ngunit ang patibong sa mga ibon ay nasa lahat ng kaniyang mga daanan, ang poot para sa kaniya ay nasa tahanan ng kaniyang Diyos. 9 Lubha nilang sinira ang kanilang mga sarili tulad sa mga panahon ng Gibea. Aalalahanin ng Diyos ang kanilang kasamaan at parurusahan niya ang kanilang mga kasalanan. 10 Sinasabi ni Yahweh, "Nang natagpuan ko ang Israel, tulad ito ng paghahanap ng mga ubas sa ilang. Tulad ng unang bunga sa panahon ng puno ng igos, natagpuan ko ang inyong mga ama. Ngunit nagpunta sila kay Baal Peor, at ibinigay nila ang kanilang mga sarili sa kahiya-hiyang diyus-diyosang iyon. Naging kasuklam-suklam sila tulad ng diyus-diyosan na kanilang inibig. 11 Patungkol kay Efraim, lilipad na parang ibon ang kanilang kaluwalhatian. Wala nang isisilang, wala nang pagbubuntis at wala nang paglilihi. 12 Bagama't nagkaroon sila ng mga anak, kukunin ko sila upang wala ng matira sa kanila. Kahabag-habag sila kapag tumalikod ako sa kanila! 13 Nakita ko ang Efraim, katulad ng Tiro, na naitanim sa isang parang, ngunit dadalhin ng Efraim ang kaniyang mga anak sa isang tao na papatay sa kanila." 14 Bigyan mo sila, Yahweh—ano ang ibibigay mo sa kanila? Bigyan mo sila ng sinapupunan na makukunan at mga susong walang gatas. 15 Dahil sa lahat ng kanilang kasamaan sa Gilgal, doon nagsimula ang aking pagkasuklam sa kanila. Dahil sa makasalanang mga gawa, paaalisin ko sila sa aking tahanan. Hindi ko na sila iibigin, suwail ang lahat ng kanilang mga opisyal. 16 Nagkasakit ang Efraim at natuyo ang kanilang mga ugat, hindi na sila namumunga. Kahit may mga anak sila, ilalagay ko ang kanilang minamahal na mga anak sa kamatayan." 17 Itatakwil sila ng aking Diyos dahil hindi sila sumunod sa kaniya. Magiging mga palaboy sila sa mga bansa.
Chapter 10
1 Ang Israel ay isang malagong puno ng ubas na namumunga. Habang dumarami ang kaniyang bunga, mas dumarami ang mga altar na kaniyang itinatayo. Habang namumunga ng marami ang kaniyang lupain, pinapabuti niya ang kaniyang mga banal na haligi. 2 Mapanlinlang ang kanilang puso; kinakailangan nila ngayong pasanin ang kanilang kasalanan. Bubuwagin ni Yahweh ang kanilang mga altar; at wawasakin niya ang kanilang mga banal na haligi. 3 Sapagkat sasabihin nila ngayon, "Wala kaming hari, sapagkat hindi kami natatakot kay Yahweh. At sa isang hari—ano ang magagawa niya para sa atin?" 4 Nagsalita sila ng mga salitang walang kabuluhan at gumagawa ng mga kasunduan sa pamamagitan ng pagsumpa ng hindi totoo. Kaya lumitaw ang katarungan tulad ng mga nakakalasong damo sa mga tudling ng isang bukid. 5 Matatakot ang mga naninirahan sa Samaria dahil sa mga guya ng Beth-aven. Ipinagluksa sila ng mga tao nito, gaya ng ginawa ng mga paring sumasamba sa mga diyus-diyosan na nagalak sa kanila at sa kanilang kaluwalhatian, ngunit wala na sila roon. 6 Dadalhin sila tungo sa Asiria bilang isang kaloob para sa dakilang hari. Malalagay sa kahihiyan ang Efraim, at mapapahiya ang Israel dahil sa pagsunod sa mga payo ng mga diyus-diyosan. 7 Wawasakin ang hari ng Samaria, tulad ng isang maliit na piraso ng kahoy na nasa ibabaw ng tubig. 8 Ang mga dambana ng kasamaan—ang kasalanan ng Israel—ay mawawasak. Tutubo ang mga tinik at mga dawag sa kanilang mga altar. Sasabihin ng mga tao sa mga bundok, "Takpan ninyo kami!" at sa mga burol, "Bumagsak kayo sa amin!" 9 "Israel, nagkasala ka mula pa noong mga araw ng Gibea; nanatili ka roon. Hindi ba nalampasan ng digmaan ang mga gumagawa ng kasamaan sa Gibea? 10 Kung nanaisin ko ito, itutuwid ko sila. Magtitipun-tipon ang lahat ng mga bansa laban sa kanila at gagapusin sila dahil sa kanilang dalawahang kasamaan. 11 Naturuang isang dumalagang baka si Efraim na kinagigiliwang mag-giik ng butil, kaya maglalagay ako ng isang pamatok sa kaniyang magandang leeg. Lalagyan ko ng pamatok ang Efraim; mag-aararo ang Juda; si Jacob mismo ang hihila sa pangsuyod. 12 Magtanim ng katuwiran para sa inyong sarili, at anihin ang bunga ng matapat na kasunduan. Bungkalin ninyo ang hindi pa naaararong lupa, sapagkat panahon na upang hanapin si Yahweh, hanggang sa siya ay dumating at magpa-ulan ng katuwiran sa inyo. 13 Nag-araro kayo ng kasamaan; umani kayo ng kawalan ng katarungan. Kinain ninyo ang bunga ng pandaraya dahil nagtiwala kayo sa inyong mga plano at sa inyong maraming mga kawal. 14 Kaya isang ingay ng digmaan ang babangon sa gitna ng inyong mga tao, at ang lahat ng inyong matitibay na mga lungsod ay mawawasak. Magiging tulad ito sa pagwasak ni Salman sa Beth-arbel sa araw ng labanan, nang ang mga ina ay ginutay-gutay ng pira-piraso kasama ng kanilang mga anak. 15 Kaya mangyayari din ito sa inyo, Bethel, dahil sa napakalaki mong kasamaan. Tiyak na mamamatay ang hari ng Israel sa pagsapit ng bukang-liwayway."
Chapter 11
1 Minahal ko noong binata pa si Israel, at tinawag ko ang aking anak mula sa Egipto. 2 Lalo ko silang tinawag, lalo silang tumalikod palayo. Nag-alay sila sa mga Baal at nagsunog ng insenso sa mga diyus-diyosan. 3 Gayunpaman ako ang nagturo kay Efraim na lumakad. Ako ang nag-angat sa kanila sa pamamagitan ng kanilang mga bisig, ngunit hindi nila alam na iniingatan ko sila. 4 Pinangungunahan ko sila nang mga tali ng sangkatauhan, may mga tali ng pag-ibig. Katulad ako sa isang tao na nagpapagaan ng pamatok sa kanilang mga panga, at yumuko ako upang pakainin sila. 5 Hindi ba sila babalik sa lupain ng Egipto? Hindi ba mamumuno ang Asiria sa kanila dahil tumanggi silang bumalik sa akin? 6 Babagsak sa kanilang mga lungsod ang espada at wawasakin ang mga harang ng kanilang mga tarangkahan; sisirain sila nito dahil sa kanilang sariling mga plano. 7 Determinado ang aking mga tao na tumalikod palayo sa akin. Bagaman tumatawag sila sa akin, Ako na nasa itaas, walang sinumang tutulong sa kanila. 8 Paano ba kita isusuko, Efraim? Paano ba kita ibibigay, Israel? Paano ba kita gagawing katulad sa Adma? Paano ba kita gagawing katulad sa Zeboim? Nagbago ang saloobin ng aking puso; naghahalo ang lahat ng aking habag. 9 Hindi ko isakatuparan ang aking matinding galit; Hindi ko sisiraing muli ang Efraim. Sapagkat ako ay Diyos at hindi isang tao; Ako ang Banal sa kalagitnaan ninyo, at hindi ako darating sa matinding galit. 10 Lalakad silang sumusunod sa akin, Yahweh. Aatungal ako katulad ng isang leon. Sa katunayan aatungal ako, at manginginig na paparito ang mga tao mula sa kanluran. 11 Manginginig sila na paparito katulad sa isang ibon na mula sa Egipto, katulad ng isang kalapati mula sa lupain ng Asiria. Patitirahin ko sila sa kanilang mga bahay." Ito ang pahayag ni Yahweh. 12 Pinalilibutan ako ni Efraim ng kasinungalingan, at panlilinlang ng sangbahayan ng Israel. Ngunit nananatiling sumusunod parin si Juda sa akin, na Diyos, at tapat sa akin, ang Banal."
Chapter 12
1 Pinapakain si Efraim sa hangin at sumusunod sa hanging silangan. Patuloy siyang nagpaparami ng mga kasinungalingan at karahasan. Gumawa sila ng kasunduan kasama ang Asiria at nagdala ng langis ng Olibo sa Egipto. 2 May paratang din si Yahweh laban kay Juda at parurusahan si Jacob sa kaniyang nagawa; magbabayad siya sa kaniyang mga ginawa. 3 Hinawakan ni Jacob sa sinapupunan ng mahigpit ang sakong ng kaniyang kapatid, at sa kaniyang paglaki nakipagbuno siya sa Diyos. 4 Nakipagbuno siya sa Anghel at nanalo. Umiyak siya at humingi ng awa. Nakatagpo niya ang Diyos sa Bethel; at doon nakipag-usap sa kaniya ang Diyos. 5 Si Yahweh ito, ang Diyos ng mga hukbo; "Yahweh" ang kaniyang pangalan na tatawagan. 6 Kaya magbalik-loob ka sa inyong Diyos. Panghawakan ang matapat na kasunduan at katarungan, at patuloy na maghintay sa inyong Diyos. 7 Hindi tama ang timbangan ng mga mangangalakal sa kanilang mga kamay; kinagigiliwan nila ang mandaya. 8 Sinasabi ni Efraim, "Talagang naging napaka-yaman ko; nakahanap ako ng kayamanan para sa aking sarili. Wala silang makitang anumang kasamaan sa akin sa lahat ng aking ginagawa, anumang bagay na kasalanan." 9 Ako si Yahweh na inyong Diyos, na kasama ninyo mula pa sa lupain ng Egipto. Patitirahin ko kayong muli sa mga tolda, katulad nang itinakdang mga araw ng pista. 10 Kinausap ko narin ang mga propeta, at binigyan ko sila ng maraming mga pangitain para sa inyo. Binigyan ko kayo ng mga talinghaga sa pamamagitan ng mga propeta." 11 Kung mayroong kasamaan sa Galaad, tiyak na walang kabuluhan ang mga tao. Nag-aalay sila sa Gilgal ng mga toro; Magiging tulad sa mga tambak na bato na dinaanan ng araro sa mga bukid ang kanilang mga altar. 12 Tumakas si Jacob sa lupain ng Aram; nagtrabaho si Israel upang magkaroon ng asawa; at nangangalaga ng mga kawan ng mga tupa upang magkaroon ng isang asawa. 13 Inilabas ni Yahweh ang Israel mula sa Egipto sa pamamagitan ng isang propeta, at iningatan niya sila sa pamamagitang ng isang propeta. 14 Labis na ginalit ni Efraim si Yahweh. Kaya iiwanan ng kaniyang Panginoon ang kasalanan ng kaniyang dugo sa kaniya at pagbayarin siya sa kaniyang kahiya-hiyang mga gawa.
Chapter 13
1 "Nang nagsalita si Efraim ay mayroong panginginig. Itinaas niya ang kaniyang sarili sa Israel, ngunit siya ay nagkasala dahil sa pagsamba kay Baal, at namatay siya. 2 Ngayon sila ay mas lalong nagkakasala. Gumagawa sila ng mga larawang hinulma mula sa kanilang pilak, mga diyus-dyosan na hanggat maaari ay ginawa ng mahusay, lahat ng mga ito ay gawa ng mga mahuhusay na manggagawa. Sinasabi ng mga tao tungkol sa kanila, 'Ang mga kalalakihang ito na nag-aalay ay humalik sa mga guya.' 3 Kaya sila ay magiging tulad ng ulap sa umaga, tulad ng hamog na nawawala ng maaga, tulad ng ipa na tinatangay ng hangin palayo mula sa giikan, at tulad ng usok na lumalabas mula sa isang pausukan. 4 Ngunit ako si Yahweh na inyong Diyos, na nagpalabas sa inyo mula sa lupain ng Egipto. Wala kang dapat kilalaning Diyos kundi ako; dapat ninyong kilalanin na liban sa akin, wala nang ibang tagapagligtas. 5 Nakilala kita sa ilang, sa lupain ng may malaking katuyuan. 6 Nang kayo ay nagkaroon ng pastulan, saka kayo nabusog; nang kayo ay nabusog, ang inyong puso ay naging mapagmalaki; dahil doon kinalimutan ninyo ako. 7 Naging tulad ako ng isang leon sa kanila; tulad ng isang leopardo, ako ay magbabantay sa tabi ng daan. 8 Sasalakayin ko sila tulad ng isang oso na ninakawan ng kaniyang mga anak. lalaslasin ko ang kanilang mga dibdib, at doon ay lalapain ko sila tulad ng isang leon-- tulad ng isang mabangis na hayop na pipilasin sila ng pira-piraso. 9 Ito ang iyong kapahamakan na darating, Israel, dahil ikaw ay laban sa akin, na tumutulong sa iyo. 10 Nasaan ngayon ang iyong hari, upang mailigtas ka sa lahat ng iyong mga lungsod? Nasaan ang iyong mga pinuno, na sinabi mo sa akin, 'Bigyan mo ako ng hari at mga prinsipe'? 11 Sa aking galit, binigyan kita ng hari, at sa aking poot, tinanggal ko siya. 12 Ang kasamaan ni Efraim ay nakatago; ang kaniyang pagkakasala ay nakatago. 13 Darating sa kaniya ang mga sakit ng panganganak, ngunit siya ay isang hindi matalinong anak, sapagkat sa panahon na isisilang, hindi siya lumabas mula sa sinapupunan. 14 Ililigtas ko ba talaga sila mula sa kapangyarihan ng sheol? Ililigtas ko ba talaga sila mula sa Kamatayan? Kamatayan, nasaan ang iyong mga salot? Dalhin mo sila rito. Sheol, nasaan ang iyong pagwawasak? Dalhin mo ito dito. Nakatago mula sa aking mga mata ang kahabagan." 15 Kahit na masagana si Efraim sa kaniyang mga kapatid, darating ang isang hanging silangan; iihip ang hangin ni Yahweh mula sa ilang. Matutuyo ang bukal ni Efraim, at mawawalan ng tubig ang kaniyang balon. Sasamsamin ng kaniyang mga kaaway ang bawat mamahaling bagay sa kaniyang kamalig. 16 Nagkasala ang Samaria, sapagkat siya ay naghimagsik laban sa kaniyang Diyos. Mamamatay sila sa pamamagitan ng espada; ang kanilang mga sanggol ay gugutayin ng pira-piraso at lalaslasin ang tiyan ng kanilang mga nagdadalang tao.
Chapter 14
1 Manumbalik ka Israel, kay Yahweh na inyong Diyos, sapagkat ikaw ay bumagsak dahil sa iyong kasamaan. 2 Magpahayag kayo ng mga salita ng pagsisisi at manumbalik kay Yahweh. Sabihin ninyo sa kaniya, "Tanggalin mo ang lahat ng aming mga kasamaan at tanggapin mo kami sa pamamagitan ng iyong habag, upang makapaghandog kami sa iyo ng aming papuri, ang bunga ng aming mga labi. 3 Hindi kami ililigtas ng Asiria; hindi kami sasakay sa mga kabayo sa digmaan. Ni magsasabi ng anupaman sa gawa ng aming mga kamay, 'Kayo ang aming mga diyos,' sapagkat sa iyo nakatagpo ng habag ang mga taong ulila." 4 Pagagalingin ko sila kapag manumbalik sila sa akin pagkatapos nila akong iwan; Malaya ko silang mamahalin, sapagkat nawala na ang galit ko sa kanila. 5 Magiging tulad ako ng hamog sa Israel; mamumulaklak siya tulad ng liryo at magkaka-ugat na tulad sa isang sedar sa Lebanon. 6 Lumatag ang kaniyang mga sanga; magiging tulad sa mga puno ng olibo ang kaniyang kagandahan, at ang kaniyang halimuyak na tulad ng mga sedar sa Lebanon. 7 Babalik ang mga taong naninirahan sa kaniyang lilim; sila ay muling mabubuhay tulad ng butil at mamumulaklak tulad ng mga puno ng mga ubas. Tulad ng alak ng Lebanon ang kaniyang katanyagan. 8 Sasabihin ni Efraim, 'Ano pa ang aking gagawin sa mga diyus-diyosan? Tutugon ako sa kaniya at pangangalagaan ko siya. Tulad ako ng isang sipres na ang mga dahon ay laging luntian; nanggagaling sa akin ang iyong bunga. 9 Sino ang matalino upang maunawaan niya ang mga bagay na ito? Sino ang nakakaunawa sa mga bagay na ito upang kaniyang makilala ang mga ito? Sapagkat ang mga daan ni Yahweh ay matuwid, at ang matuwid ay lalakad sa mga ito, ngunit ang mga sumusuway ay madadapa sa mga ito.