Ruth
Chapter 1
1 Nangyari ito noong mga araw nang ang mga hukom ay namahala na nagkaroon ng taggutom doon, at isang tiyak na lalaki ng Bethlehem ng Juda ang pumunta sa bansa ng Moab kasama ang kaniyang asawa at kaniyang dalawang anak na lalaki. 2 Elimelek ang pangalan ng lalaki at Naomi ang pangalan ng kaniyang asawa. Ang pangalan ng kaniyang dalawang anak na lalaki ay sina Mahlon at Quelion, na mga Efrateo na taga-Bethlehem-Juda. Nakarating sila sa bansa ng Moab at nanirahan doon. 3 Pagkatapos namatay si Elimelek na asawa ni Naomi, at naiwan siyang kasama ng kaniyang dalawang anak na lalaki. 4 Itong mga anak na lalaki ay kumuha ng mga asawa mula sa mga kababaihan ng Moab; ang pangalan ng isa ay Orpa at ang pangalan ng isa pa ay Ruth. Nanirahan sila roon nang halos sampung taon. 5 Pagkatapos parehong namatay sina Mahlon at Quelion, kaya naiwan si Naomi wala ang kaniyang asawa at wala ang kaniyang dalawang anak. 6 Pagkatapos nagpasya si Naomi na umalis ng Moab kasama ang kaniyang mga manugang at bumalik sa Juda dahil narinig niya sa rehiyon ng Maob na tinulungan ni Yahweh ang kaniyang bayan na nangangailangan at binigyan sila ng pagkain. 7 Kaya umalis siya sa lugar kung saan siya naroon kasama ang kaniyang mga manugang na babae at naglakad sila pababa sa daan para bumalik sa lupain ng Juda. 8 Sinabi ni Naomi sa kaniyang dalawang manugang na babae, "Lumakad, bumalik, kayo bawat isa sa inyo, sa bahay ng inyong ina. Nawa ipakita ni Yahweh ang kabaitan sa inyo, tulad ng pagpapakita ninyo ng katapatan sa namatay at sa akin. 9 Nawa idulot sa inyo ng Panginoon ang pahinga, bawat isa sa inyo sa bahay ng panibagong asawa." Pagkatapos hinalikan niya sila at nagtaas sila ng mga boses at umiyak. 10 Sinabi nila sa kaniya, "Hindi! Babalik kami kasama mo sa iyong lahi." 11 Pero sinabi ni Naomi, "Bumalik kayo, aking mga anak! Bakit kayo sasama sa akin? May mga anak pa ba ako sa aking sinapupunan para sa inyo, para maging asawa ninyo? 12 Bumalik kayo, aking mga anak, lumakad sa sarili ninyong landas dahil ako ay napakatanda na para magkaroon ng asawa. Kung sabihin ko, "Umaasa akong makakuha ako ng asawa ngayong gabi,' at pagkatapos magsilang ng mga anak na lalaki, 13 kung gayon maghihintay pa ba kayo hanggang lumaki sila? Maghihintay pa ba kayo at hindi magpapakasal sa mga lalaki ngayon? Huwag, mga anak ko! Ito ay higit na magpapahirap sa akin kaysa magpapahirap sa inyo, dahil bumaling laban sa akin ang kamay ni Yahweh. 14 Pagkatapos ang kaniyang mga manugang ay nagtaas ng kanilang mga boses at muling umiyak. Hinalikan ni Orpah ang kaniyang biyenan nang may pamamaalam, pero si Ruth ay nanatili sa kaniya. 15 Sinabi ni Naomi, "Makinig ka, ang hipag mo ay bumalik na sa kaniyang bayan at sa kaniyang mga diyos! Bumalik ka kasama ang iyong hipag." 16 Pero sinabi ni Ruth, "Huwag mo akong palayuin mula sa iyo, sapagkat kung saan ka pupunta, doon ako pupunta; kung saan ka titira, doon ako titira; ang iyong bayan ay magiging aking bayan, at ang iyong Diyos ay magiging aking Diyos. 17 Kung saan ka mamamatay, doon ako mamamatay at doon din ako ililibing. Nawa parusahan ako ni Yahweh, at kahit higit pa, kung anuman pero kamatayan kailanman ang magpahiwalay sa atin. 18 Nang makita ni Naomi na nagpasya nang sumama si Ruth sa kanya, tumigil na siyang makipagtalo sa kaniya. 19 Kaya naglakbay ang dalawa hanggang makarating sila sa bayan ng Bethlehem. Nangyari ito nang dumating sila sa Bethlehem, ang buong bayan ay sobrang nagulat tungkol sa kanila. Sinabi ng mga kababaihan, "Ito ba si Naomi?" 20 Pero sinabi niya sa kanila, "Huwag ako tawaging Naomi. Tawagin akong Maramdamin, dahil ang Maykapal ay sobrang nagdaramdam sa akin. 21 Lumabas akong puno pero muli akong ibinalik ni Yahweh sa bahay ng walang dala. Kaya bakit tinatawag ninyo akong Naomi, nakikitang hinatulan ako ni Yahweh, na pinahirapan ako ng Maykapal?" 22 Kaya sina Naomi at Ruth na Moabita, na kaniyang manugang, ay bumalik mula sa bansa ng Moab. Dumating sila sa Bethlehem sa simula ng pag-aani ng sebada.
Chapter 2
1 Ngayon ang asawa ni Naomi, si Elimelek, ay may kamag-anak, si Boaz, na isang mayaman, maimpluwensiyang tao. 2 Sinabi ni Ruth, na Moabita, kay Naomi, "Ngayon hayaan mo akong umalis at mamulot ng mga uhay ng natitirang butil sa mga bukid. Susunod ako sa kahit kaninong mga mata ako makatagpo ng pabor." Kaya sinabi ni Naomi sa kaniya, "Pumunta ka, aking anak." 3 Si Ruth ay nagpunta at namulot sa bukid kasunod ng mga mang-aani. Nangyaring napunta siya sa bahagi ng bukiring nabibilang kay Boaz, na may kaugnayan kay Elimelek. 4 Masdan, si Boaz ay dumating mula Betlehem at sinabi sa mga mang-aani, "Sumainyo nawa si Yahweh." Sumagot sila sa kaniya, "Pagpalain kayo nawa ni Yahweh". 5 Pagkatapos, sinabi ni Boaz sa kaniyang lingkod na nangangasiwa sa mga mang-aani," Kanino nabibilang ang kabataang babaeng ito?" 6 Sumagot ang lingkod na nangangasiwa sa mga mang-aani at sinabi, "Iyan ang kabataang babaeng Moabitang bumalik kasama ni Naomi mula sa lupain ng Moab. 7 Sinabi niya sa akin, 'Pakiusap hayaan mo akong mamulot at magtipon ng mga uhay habang sumusunod ako sa mga nag-aani.' Kaya dumating siya rito at nagpapatuloy mula umaga hanggang ngayon, maliban na nagpahinga siya nang kaunti sa bahay." 8 Pagkatapos sinabi ni Boaz kay Ruth, "Nakikinig ka ba sa akin, aking anak? Huwag kang pumaroon at mamulot sa ibang bukid; huwag mong iwan ang aking bukid. Sa halip, manatili ka rito at magtrabaho kasama ng aking mga kabataang babaing manggagawa. 9 Panatilihin mo lang na nakatuon ang iyong mga mata sa bukid kung saan ang mga lalaki ay nag-aani at sumusunod sa likod ng ibang kababaihan. Hindi ko ba tinagubilinan ang mga kalalakihan na huwag kang galawin? Kapag nauuhaw ka, maaari kang pumunta sa mga banga ng tubig at inumin ang tubig na naigib ng mga kalalakihan." 10 Pagkatapos yumuko siya sa harap ni Boaz, na nakasayad ang ulo sa lupa. Sinabi niya sa kaniya, "Bakit ako nakatagpo ng pabor sa iyong paningin, dapat ka bang magmalasakit sa akin, isang dayuhan?" 11 Sumagot si Boaz at sinabi sa kaniya," Naibalita sa akin, lahat ng nagawa mo simula nang mamatay ang iyong asawa. Iniwan mo ang iyong ama, ina, at ang lupain ng iyong kapanganakan para sundan ang iyong biyenang babae at para pumunta sa isang bayang hindi mo kilala. 12 Gantimpalaan ka nawa ni Yahweh dahil sa iyong ginawa. Makatanggap ka nawa ng buong kabayaran mula kay Yahweh, ang Diyos ng Israel, sa ilalim ng mga pakpak na nahanap mo ang kanlungan." 13 Pagkatapos sinabi niya, "Hayaan mong makatagpo ako ng pabor sa inyong paningin, aking panginoon, dahil inaliw mo ako, at nakipag-usap kang may kagandahang-loob sa akin, kahit na hindi ako isa sa inyong mga babaeng lingkod." 14 Nang oras na ng kainan sinabi ni Boaz kay Ruth, "Pumarito ka, at kumain ng kaunting tinapay, at isawsaw mo ang iyong pagkain sa sukang alak." Umupo siya sa gilid ng mga mang-aani, at inalok niya siya ng kaunting inihaw na butil. Kumain siya hanggang sa mabusog siya at iniwan ang natira nito. 15 Nang tumindig siya para mamulot, inutusan ni Boaz ang kaniyang mga kabataang lalaki, sinasabing, "Hayaan ninyo siyang mamulot kahit sa mga binigkis, at huwag magsasabi ng kahit anong masama sa kaniya. 16 At dapat hilain ninyo palabas ang ilang mga binigkis para sa kaniya mula sa mga bigkis, at iwan ang mga ito para pulutin niya. Huwag ninyo siyang sasawayin." 17 Kaya namulot siya sa bukid hanggang gabi. Pagkatapos giniik niya ang mga uhay ng butil na kaniyang napulot, at ang butil ay halos isang salop ng sebada. 18 Binuhat niya ito at nagtungo ng lungsod. Pagkatapos nakita ng kaniyang biyenan ang kaniyang napulot. Dinala din ni Ruth ang inihaw na butil na natira mula sa kaniyang pagkain at ibinigay ito sa kaniya. 19 Sinabi ng kaniyang biyenan sa kaniya, "Saan ka namulot ngayong araw? Saan ka pumunta para magtrabaho? Pagpalain nawa ang lalaking tumulong sa iyo." Pagkatapos sinabi ni Ruth sa kaniyang biyenan ang tungkol sa lalaking nagmamay-ari ng bukid kung saan siya nagtrabaho. Sinabi niya," Ang pangalan ng lalaking nagmamay-ari ng bukid kung saan ako nagtrabaho ngayon ay Boaz." 20 Sinabi ni Naomi sa kaniyang manugang," Pagpalain nawa siya ni Yahweh, na hindi itinigil ang kaniyang katapatan sa buhay at sa mga patay." Sinabi ni Naomi sa kaniya," Ang lalaking iyon ay malapit na kamag-anak natin; isa sa mga tagasagip na kamag-anak natin." 21 Sinabi ni Ruth na Moabita, "Tunay nga, sinabi niya sa akin, 'Dapat kang manatiling malapit sa aking mga kabataang lalaki hanggang matapos nilang lahat ang aking ani. ” 22 Sinabi ni Naomi kay Ruth na manugang niya, "Mabuti iyon, aking anak, lumabas ka kasama ng kaniyang mga kabaatang babaeng manggagawa, para hindi ka mapahamak alinman sa ibang bukid." 23 Kaya nanatili siyang malapit sa mga babaing manggagawa ni Boaz para mamulot hanggang matapos ang pag-aani ng sebada at pag-aani ng trigo. Nakatira siya kasama ng kaniyang biyenan.
Chapter 3
1 Sinabi sa kaniya ni Naomi, na kaniyang biyenan, "Aking anak, hindi ba dapat na humanap ako ng lugar para makapagpahinga ka, kaya maging maayos ang mga bagay para sa iyo? 2 Ngayon si Boaz, ang lalaki na ang mga kabataang babaing manggagawa ay nakasama mo, hindi ba kamag-anak natin siya? Tingnan mo, magtatahip siya ng sebada mamayang gabi sa giikang palapag. 3 Kaya, maglinis, maglagay ka ng pabango, magpalit ka ng damit, at bumaba sa giikan. Pero huwag ka munang magpakilala sa lalaki hanggang matapos siyang kumain at uminom. 4 At tiyakin mo, kapag humiga siya, na matandaan mo ang lugar kung saan siya nakahiga para mamaya ay maaari kang pumunta sa kaniya, alisin ang takip ng kaniyang mga paa, at humiga roon. Pagkatapos sasabihin niya sa iyo ang iyong gagawin." 5 Sinabi ni Ruth kay Naomi, "Gagawin ko ang lahat ng bagay na sasabihin ninyo." 6 Kaya bumaba siya sa giikan, at sumunod siya sa mga tagubiling ibinigay sa kaniya ng kaniyang biyenan. 7 Nang si Boaz ay makakain at makainom at ang kaniyang puso ay masigla, pumunta siya para humiga sa dulo ng tumpok ng butil. Pagkatapos siya ay dahan-dahang lumapit, inalis ang takip ng kaniyang mga paa, at nahiga. 8 Nangyari ito noong hatinggabi na ang lalaki ay nagulat. Bumalikwas siya, at naroon ang isang babae na nakahiga sa kaniyang paanan. 9 Sinabi niya, "Sino ka?" Sumagot siya, "Ako si Ruth, ang iyong babaeng lingkod. Ilatag mo ang inyong balabal sa iyong babaeng lingkod, dahil ikaw ay isang malapit na kamag-anak." 10 Sinabi ni Boaz, "Aking anak, pagpalain ka nawa ni Yahweh. Nagpakita ka ng higit na kabaitan sa huli kaysa sa simula, dahil hindi ka humabol alinman sa mga binata, maging mahirap man o mayaman. 11 At ngayon, aking anak, huwag kang matakot! Gagawin ko para sa iyo ang lahat ng sabihin mo, dahil ang buong lungsod ng aking bayan ay nalalaman na ikaw ay isang karapat-dapat na babae. 12 Ngayon ito ay totoo na ako ay isang malapit na kamag-anak; sa gayon, may isang kamag-anak na mas malapit kaysa akin. 13 Manatili ka rito ngayong gabi, at sa umaga, kung gagampanan niya para sa iyo ang tungkulin ng isang kamag-anak, mabuti, hayaang gawin niya ang tungkulin ng isang kamag-anak. Pero kung hindi niya gagawin ang tungkulin ng isang kamag-anak para sa iyo, pagkatapos ako ang gagawa nito, sa pamamagitan ng buhay ni Yahweh. Mahiga ka hanggang sa umaga." 14 Kaya nahiga siya sa kaniyang paanan hanggang umaga. Pero bumangon siya bago pa man may sinumang makakilala ng ibang tao. Dahil sinabi ni Boaz, "Huwag hayaang malaman na pumarito ang babae sa giikan." 15 Pagkatapos sinabi ni Boaz, "Dalhin mo ang iyong balabal at hawakan mo ito." Nang gawin niya iyon, nakasukat siya ng anim na malalaking sukat ng sebada sa loob nito at pinasan niya. Pagkatapos nagtungo siya sa lungsod. 16 Nang dumating si Ruth sa kaniyang biyenan, sinabi niya, "Kamusta ang iyong ginawa, aking anak?" Pagkatapos sinabi ni Ruth sa kaniya ang lahat ng nagawa ng lalaki para sa kaniya. 17 Sinabi niya, "Itong anim na sukat ng sebada ay kung ano ang ibinigay niya sa akin, dahil sinabi niya, 'Huwag kang umalis na walang dala sa iyong biyenan.'" 18 Pagkatapos sinabi ni Naomi, "Manatili ka rito, aking anak, hanggang malaman mo kung anong mangyayari sa bagay na ito, dahil hindi titigil ang lalaki hanggang matapos niya ang bagay na ito ngayon."
Chapter 4
1 Ngayon umakyat si Boaz sa tarangkahan at umupo roon. Maya-maya, dumaan ang malapit na kamag-anak na nabanggit ni Boaz. Sinabi ni Boaz sa kaniya, "Aking kaibigan, lumapit ka at maupo rito." Lumapit ang lalaki at umupo. 2 Pagkatapos nagdala si Boaz ng sampung lalaki na mga nakatatanda sa lungsod at sinabing, "Umupo kayo rito." Kaya umupo sila. 3 Sinabi ni Boaz sa malapit na kamag-anak, "Si Naomi, na nagbalik mula sa bansa ng Moab, ay ipinagbibili ang kapiraso ng lupain na noon ay sa ating kapatid na si Elimelek. 4 Iniisip kong ipagbigay-alam at sabihin sa iyo, 'Bilhin mo ito sa harapan ng mga nakaupo rito, at sa harapan ng mga nakatatanda ng aking bayan.' Kung nais mong tubusin ito, tubusin mo. Pero kung hindi mo gustong tubusin ito, sabihin mo sa akin para malaman ko, dahil wala ni isang tutubos nito maliban sa iyo, at ako ang kasunod mo." Pagkatapos, sinabi ng ibang lalaki, "Tutubusin ko ito." 5 Pagkatapos sinabi ni Boaz, "Sa araw na bilhin mo ang bukid mula sa kamay ni Naomi, kailangan mo ring kunin si Ruth na Moabita, ang asawa ng namatay na lalaki, sa utos para maitaas ang pangalan ng namatay sa kaniyang pamana." 6 Pagkatapos sinabi ng malapit na kamag-anak, "Hindi ko ito matutubos para sa aking sarili nang hindi masisira ang aking sariling pamana. Kunin mo ang aking karapatan ng pagtubos para sa iyong sarili, dahil hindi ko ito matutubos." 7 Ngayon ito ang kaugalian sa Israel sa mga naunang panahon patungkol sa pagtubos at pagpalit ng mga ari-arian. Para patunayan ang lahat ng mga bagay, hinuhubad ng isang tao ang kaniyang sapatos at ibinibigay ito sa kaniyang kapitbahay; ito ang paraan sa paggawa ng ayon sa batas na mga kasunduan sa Israel. 8 Kaya sinabi ng malapit na kamag-anak kay Boaz, "Bilhin ito para sa iyong sarili." At hinubad niya ang kaniyang sapatos. 9 Pagkatapos sinabi ni Boaz sa mga nakatatanda at sa lahat ng mga tao, "Kayo ang mga saksi sa araw na ito na nabili ko ang lahat ng dating kay Elimelek at lahat ng dating kay Quelion at Mahlon mula sa kamay ni Naomi. 10 Bukod dito tungkol kay Ruth na Moabita, ang asawa ni Mahlon: nakuha ko rin siya na maging aking asawa, sa utos para maitaas ko ang pangalan ng namatay na lalaki sa kaniyang pamana, kaya ang kaniyang pangalan ay hindi mapuputol mula sa gitna ng kaniyang mga kapatid at mula sa tarangkahan ng kaniyang lugar. Kayo ang mga saksi ngayon." 11 Sinabi ng lahat ng mga tao na nasa tarangkahan at mga nakatatanda, "Kami ang mga saksi. Gawin nawa ni Yahweh ang babae na pumasok sa iyong bahay tulad nina Raquel at Lea, ang dalawa na nagtayo ng bahay sa Israel. Magtagumpay ka nawa sa Efrata at maging kilala sa Betlehem. 12 Nawa ang iyong bahay ay maging tulad ng bahay ni Fares, na ipinanganak ni Tamar kay Juda, sa pamamagitan ng anak na ibibigay sa iyo ni Yahweh sa dalagang ito." 13 Kaya kinuha ni Boaz si Ruth, at siya ay naging asawa niya. Sinipingan niya ito, at pinahintulutan ni Yahweh na mabuntis siya at nagsilang siya ng isang anak na lalaki. 14 Sinabi ng mga babae kay Naomi, "Pagpalain ka nawa ni Yahweh, na hindi ka iniwan sa araw na ito na walang isang malapit na kamag-anak, itong sanggol. Nawa maging kilala ang kaniyang pangalan sa Israel. 15 Nawa maging isa siyang tagapagpanumbalik ng buhay, at isang tagapagpalusog sa iyong katandaan, dahil isinilang siya ng iyong manugang, na nagmahal sa iyo, na mas mabuti sa iyo kaysa pitong anak na lalaki." 16 Pagkatapos kinuha ni Naomi ang bata, pinahiga niya siya sa kaniyang dibdib at inalagaan siya. 17 At ang mga babae, kaniyang mga kapitbahay, binigyan siya ng pangalan, sinasabing, "Isang bata ang ipinanganak kay Naomi." Pinangalanan nila siyang Obed. Naging ama siya ni Jesse, na naging ama ni David. 18 Ngayon ito ang mga kaapu-apuhan ni Fares: si Fares ang naging ama ni Hezron, 19 si Hezron ang naging ama ni Ram, si Ram ang naging ama ni Aminadab, 20 si Aminadab ang naging ama ni Naason, si Naason ang naging ama ni Salmon, 21 si Salmon ang naging ama ni Boaz, si Boaz ang naging ama ni Obed, 22 si Obed ang naging ama ni Jesse, at si Jesse ang naging ama ni David.