Tagalog: Tagalog Unlocked Literal Bible

Updated ? hours ago # views See on DCS Draft Material

Mga Taga-Galacia

Chapter 1

1 Ako si Pablo na apostol. Hindi ako apostol na mula sa mga tao o sa pamamagitan ng tao, ngunit sa pamamagitan ni Jesu Cristo at ng Diyos Ama, na muling bumuhay sa kaniya mula sa mga patay. 2 Kasama lahat ng mga kapatiran, sumusulat ako sa mga iglesya ng Galacia. 3 Sumainyo ang biyaya at kapayapaan mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo, 4 na nagbigay ng kaniyang sarili alang-alang sa ating mga kasalanan upang mailigtas niya tayo sa kasalukuyang makasalanang panahon, ayon sa kalooban ng ating Diyos at Ama. 5 Sa kaniya ang kaluwalhatian magpakailanman. 6 Nagtataka ako na kayo ay mabilis na bumabaling sa ibang ebanghelyo. Nagtataka ako na tumatalikod kayo sa kaniya na tumawag sa inyo sa pamamagitan ng biyaya ni Cristo. 7 Walang ibang ebanghelyo, ngunit may ilang mga tao na ginugulo kayo at gustong ibahin ang ebanghelyo ni Cristo. 8 Ngunit kahit kami o isang anghel mula sa langit ang magpahayag sa inyo ng ebanghelyo na iba sa ipinahayag namin sa inyo, dapat siyang sumpain. 9 Katulad ng sinabi namin noon, ngayon sasabihin ko muli, "Kung may magpahayag sa inyo ng ibang ebanghelyo maliban sa ebanghelyong tinanggap ninyo, dapat siyang sumpain." 10 Sapagkat hinahangad ko ba ngayon ang pagsang-ayon ng mga tao o ng Diyos? Hinahangad ko ba na magbigay-lugod sa mga tao? Kung sinisikap ko paring magbigay-lugod sa mga tao, kung gayon hindi ako isang lingkod ni Cristo. 11 Sapagkat nais kong malaman ninyo, mga kapatid, na ang ebanghelyo na aking ipinahayag ay hindi nanggaling sa mga tao lamang. 12 Hindi ko ito tinanggap mula sa tao, hindi rin ito itinuro sa akin. Sa halip, sa pamamagitan ng pahayag ni Jesu-Cristo sa akin. 13 Narinig ninyo ang tungkol sa dati kong buhay sa Judaismo, kung paano ko marahas na inuusig ang iglesiya ng Diyos ng walang kapantay at winawasak ito. 14 Ako ay nangunguna sa Judaismo nang higit sa maraming kapwa ko Judio. Labis akong masigasig para sa mga kaugalian ng aking mga ninuno. 15 Ngunit ikinalugod ng Diyos na piliin ako mula pa sa sinapupunan ng aking ina. Tinawag niya ako sa pamamagitan ng kaniyang biyaya 16 upang ihayag ang kaniyang Anak sa akin, upang ipahayag ko siya sa mga Gentil. Hindi ako kaagad sumangguni sa laman at dugo at 17 hindi ako pumunta sa Jerusalem sa mga naunang naging apostol kaysa sa akin. Sa halip pumunta ako sa Arabia at pagkatapos ay bumalik ako sa Damasco. 18 At pagkatapos ng tatlong taon pumunta ako sa Jerusalem upang dalawin si Cefas at nananatili ako sa kaniya ng labing limang araw. 19 Ngunit wala akong nakitang ibang apostol maliban kay Santiago na kapatid ng Panginoon. 20 Makinig kayo, sa harapan ng Diyos, hindi ako nagsisinungaling sa mga sinusulat ko sa inyo. 21 Pagkatapos, pumunta ako sa rehiyon ng Siria at Cilicia. 22 Hindi pa ako nakikita ng mga iglesiya sa Judea na nakay Cristo, 23 ngunit naririnig lang nila na, "Ang taong umuusig sa atin noon, ngayon ay nagpapahayag ng pananampalatayang winawasak niya noon." 24 Niluluwalhati nila ang Diyos dahil sa akin.

Chapter 2

1 At pagkatapos ng labing-apat na taon muli akong pumunta sa Jerusalem na kasama si Bernabe. Isinama ko din si Tito. 2 Pumunta ako dahil ipinakita sa akin ng Diyos na dapat akong pumunta. Inilahad ko sa kanila ang ebanghelyo na aking ipinapahayag sa mga Gentil. (Ngunit nakipag-usap ako nang sarilinan sa mga waring mga mahahalagang mga pinuno). Ginawa ko ito upang tiyakin na hindi ako tumatakbo, o tumakbo, ng walang kabuluhan. 3 Ngunit kahit si Tito, na kasama ko, na isang Griego, ay hindi napilit na patuli. 4 Ang mga bagay na ito ay lumitaw dahil sa nagpapanggap na mga kapatid na patagong dumating upang manmanan ang kalayaang mayroon tayo kay Cristo Jesus. Nais nilang maging alipin tayo sa kautusan. 5 Hindi kami nagpasakop sa kanila ng kahit isang oras, upang ang katotohanan ng ebanghelyo ay manatiling walang pababago para sa inyo. 6 Ngunit walang naiambag sa akin iyong mga sinasabi ng iba na mga pinuno. Kung ano man sila ay hindi mahalaga sa akin. Hindi tinatanggap ng Diyos ang itinatangi ng mga tao. 7 Sa halip, nakita nila na ako ay pinagkatiwalaan na ipahayag ang ebanghelyo sa mga hindi pa tuli. Tulad ni Pedro na nagpapahayag ng ebanghelyo sa mga tuli. 8 Dahil ang Diyos, na kumikilos kay Pedro sa pagiging apostol sa mga tuli, ay kumilos din sa akin para sa mga Gentil. 9 Nang si Santiago, Cepas, at Juan, na kinikilalang nagtayo ng iglesia, ay naunawaan ang biyaya na ibinigay sa akin, ibinigay nila kay Bernabe at sa akin ang kanang kamay ng pakikisama. Ginawa nila ito upang kami ay pumunta sa mga Gentil, at upang pumunta sila sa mga tuli. 10 Nais din nilang alalahanin namin ang mga mahihirap. Ako din ay nananabik na gawin ang bagay na ito. 11 Ngayon noong dumating si Cepas sa Antioquia, tinutulan ko siya ng harapan dahil mali siya. 12 Bago pa dumating ang mga taong galing kay Santiago, nakikisalo si Cefas sa mga Gentil. Ngunit nang dumating ang mga taong ito, huminto siya at lumayo mula sa mga Gentil. Natakot siya sa mga taong ito na nag-uutos ng pagtutuli. 13 Ganoon din, ang ilang mga Judio ay nakisama sa pagkukunwaring ito ni Cefas. Ang kinahinatnan, kahit si Bernabe din ay nadala sa kanilang pagkukunwari. 14 Ngunit noong nakita ko na hindi na sila sumusunod sa katotohanan ng ebanghelyo, sinabi ko kay Cefas sa harapan nilang lahat, "Kung ikaw ay Judio ngunit namumuhay sa paraan ng mga Gentil sa halip na sa paraan ng Judio, paano mo mapipilit ang mga Gentil na mamuhay tulad ng mga Judio?" 15 Kami na ipinanganak na Judio at hindi "makasalanang mga Gentil" , 16 alam namin na walang sinuman ang pinawalang-sala sa pamamagitan ng paggawa ng kautusan. Sa halip, pinawalang-sala sila sa pamamagitan ng paniniwala kay Cristo Jesus. Tayo ay nanampalataya kay Cristo Jesus upang maaari tayong mapawalang-sala sa pamamagitan ng paniniwala kay Cristo at hindi sa pamamagitan ng paggawa ng kautusan. Sapagkat sa pammamagitan ng paggawa ng kautusan, walang laman ang mapapawalang-sala. 17 Ngunit kung hangarin natin na ipawalang-sala tayo ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo, makikita din natin ang ating mga sarili na makasalanan, naging alipin ba si Cristo ng kasalanan? Huwag nawa itong mangyari! 18 Sapagkat kung itatayo ko muli ang aking pagtitiwala sa pagsunod ng kautusan, ang pagtitiwala na aking sinira, ipinapakita ko ang aking sarili na sumusuway sa kautusan. 19 Sa pamamagitan ng kautusan, namatay ako sa kautusan, upang maaari akong mabuhay para sa Diyos. 20 Naipako na ako sa krus kasama ni Cristo. Hindi na ako ang nabubuhay, ngunit si Cristo na ang nabubuhay sa akin, at ang buhay ngayon na aking ikinabubuhay sa laman, ay ikinabubuhay ko sa pamamagitan ng pananampalataya sa Anak ng Diyos, na nagmamahal sa akin at nagbigay ng kaniyang sarili para sa akin. 21 Hindi ko ipinagwawalang-halaga ang biyaya ng Diyos, sapagkat kung ang pagkamakatuwiran ay umiiral sa pamamagitan ng kautusan, kung gayon si Cristo ay namatay nang walang kabuluhan.

Chapter 3

1 Mga hangal na taga-Galacia, kaninong masamang mata ang sumira sa inyo? Hindi ba inilarawan si Cristo na napako sa krus sa inyong mga mata? 2 Gusto ko lang malaman ito mula sa inyo. Natanggap ba ninyo ang Espiritu sa pamamagitan ng pagsunod sa kautusan o sa pamamagitan ng paniniwala sa inyong napakinggan? 3 Napakahangal ba ninyo? Nagsimula ba kayo sa Espiritu upang magtapos lamang sa laman? 4 Kayo ba ay nagdusa ng napakaraming bagay ng walang kabuluhan, kung totoong ngang ang mga ito ay walang kabuluhan? 5 Kung gayon, siya ba na nagbigay ng Espiritu sa inyo at gumawa ng mga makapangyarihang gawa sa inyo ginawa niya ba ito sa pamamagitan ng paggawa sa kautusan o sa pamamagitan ng pakikinig na may pananampalataya? 6 "Nanampalataya si Abraham sa Diyos at ito'y ibinilang sa kaniya na katuwiran." 7 Sa gayon ding paraan, unawain ito, na ang mga nananampalataya ay mga anak ni Abraham. 8 Noon pa man ay nakita na ng kasulatan na ipapawalang-sala ng Diyos ang mga Gentil sa pamamagitan ng pananampalataya. Ang ebangelyo noon pa man ay ipinahayag na kay Abraham: "Dahil sa iyo ang lahat ng bansa ay pagpapalain." 9 Kaya nga, ang mga may pananampalataya ay pinagpala kasama ni Abraham, sila na may pananampalataya. 10 Sila na umasa sa mga gawa ng kautusan ay nasa ilalim ng sumpa. Sapagkat nasusulat, "Sinumpa ang sinumang hindi sumusunod sa lahat ng nakasulat sa kautusan, upang gawin ang lahat ng ito." 11 Ngayon malinaw na walang sinuman ang pinapawalang-sala ng Diyos sa pamamagitan ng kautusan, sapagkat "Ang matuwid ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya." 12 Ang kautusan ay hindi galing sa pananampalataya, sa halip, "Ang mga gumagawa sa mga bagay na ito na nasa kautusan ay mabubuhay sa pamamagitan ng mga kautusan." 13 Tinubos tayo ni Cristo mula sa sumpa ng kautusan noong siya ay naging sumpa para sa atin. Sapagkat nasusulat, "Sinumpa ang sinumang ibinitin sa isang puno." 14 Ang layunin ay upang ang pagpapala na nakay Abraham ay dumating sa mga Gentil dahil kay Cristo Jesus, upang sa ganoon ay matanggap natin ang pangako ng Espiritu sa pamamagitan ng pananampalataya. 15 Mga kapatid, magsasalita ako ayon sa pang-taong mga salita. Maging ang pang-taong kasunduan na napagtibay na ay walang makapagpapawalang-bisa nito o makapagdagdag nito. 16 Ngayon, ang mga pangako ay sinabi kay Abraham at sa kaniyang kaapu-apuhan. Hindi nito sinabi, "Sa mga kaapu-apuhan," na tumutukoy sa marami, kung hindi sa iisa lang. "Sa iyong kaapu-apuhan," na si Cristo. 17 At ngayon sinasabi ko ito. Ang kautusan, na dumating pagkaraan ng 430 na taon, ay hindi pinawalang-bisa ang kasunduan na noon ay pinagtibay ng Diyos. 18 Sapagkat kung ang pamana ay dumating sa pamamagitan ng kautusan, hindi sana ito dumating sa pamamagitan ng pangako. Ngunit malaya itong ibinigay ng Diyos kay Abraham sa pamamagitan ng pangako. 19 Kung ganoon, bakit ibinigay ang kautusan? Ito ay idinagdag dahil sa mga paglabag, hanggang sa dumating ang kaapu-apuhan ni Abraham sa mga taong pinangakuan. Ang kautusan ay ipinatupad sa pamamagitan ng mga anghel sa kamay ng tagapamagitan. 20 Ngayon ipinapahiwatig ng tagapamagitan na may higit sa isang tao, subalit ang Diyos ay iisa lamang. 21 Kung gayon ang kautusan ba ay laban sa mga pangako ng Diyos? Hinding-hindi! Sapagkat kung ang kautusan ay ibinigay at may kakayahang magbigay ng buhay, tiyak na ang katuwiran ay dumating sa pamamagitan ng kautusan. 22 Ngunit sa halip, ibinilanggo ng kasulatan ang lahat ng bagay na nasa ilalim ng kasalanan. Ginawa ito ng Diyos upang ang kaniyang pangako na iligtas tayo sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo ay maibigay sa kanila na sumampalataya. 23 Subalit bago ang dumating ang pananampalataya kay Cristo, ibinilanggo tayo at ikinulong ng kautusan hanggang sa kapahayagan ng pananampalataya. 24 Kaya ang kautusan ay naging taga-gabay natin hanggang si Cristo ay dumating, upang tayo ay mapawalang-sala sa pamamagitan ng pananampalataya. 25 Ngayon na dumating na ang pananampalataya, wala na tayo sa ilalim ng taga-gabay. 26 Sapagkat kayong lahat ay mga anak ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus. 27 Lahat kayo na nabautismuhan kay Cristo, isinuot ninyo ang buhay ni Cristo na parang damit. 28 Walang Judio o Griego, alipin o malaya, lalaki o babae, sapagkat kayong lahat ay iisa kay Cristo Jesus. 29 Kung kayo ay kay Cristo, kayo rin ay mga kaapu-apuhan ni Abraham, tagapagmana ayon sa pangako.

Chapter 4

1 Sinasabi ko na hanggang ang tagapagmana ay bata pa, wala siyang pinagkaiba sa isang alipin, kahit na siya pa ang nagmamay-ari ng buong lupain. 2 Sa halip, nasa ilalim pa siya ng kaniyang mga tagapangalaga at mga katiwala hanggang sa dumating ang panahon na itinakda ng kaniyang ama. 3 Kaya ganoon din tayo, noong tayo ay mga bata pa, sakop tayo ng pagkaalipin sa mga alituntunin ng daigdig. 4 Ngunit nang dumating ang takdang panahon, ipinadala ng Diyos ang kaniyang Anak, ipinanganak ng isang babae, ipinanganak sa ilalim ng kautusan. 5 Ginawa niya ito upang tubusin ang mga nasa ilalim ng kautusan, upang matanggap natin ang pagkukupkop bilang mga anak. 6 Dahil kayo ay mga anak, ipinadala ng Diyos ang Espiritu ng kaniyang Anak sa ating mga puso, ang Espiritu na tumatawag ng, "Abba, Ama." 7 Sa kadahilanang ito, hindi na kayo mga alipin kundi mga anak. Kung kayo ay mga anak, kaya kayo rin ay tagapagmana sa pamamagitan ng Diyos. 8 Bago pa, nang hindi pa ninyo kilala ang Diyos, kayo ay mga alipin sa mga bagay na likas na hindi talaga diyos. 9 Ngunit ngayon na kilala na ninyo ang Diyos, o higit na mabuting sabihin, ngayon na kilala na kayo ng Diyos, bakit kayo muling bumabalik sa mahina at walang silbing mga pasimulang tuntunin? Gusto niyo bang maging mga alipi muli? 10 Mahigpit ninyo ipinagdiriwang ang mga natatanging araw, mga bagong buwan, mga panahon, at mga taon. 11 Natatakot ako para sa inyo. Natatakot ako na anumang paraan ay naghirap ako sa inyo ng walang kabuluhan. 12 Nakikiusap ako sa inyo, mga kapatid, maging katulad ninyo ako, sapagkat ako ay naging katulad rin ninyo. Wala kayong ginawang mali sa akin. 13 Ngunit alam ninyo na dahil sa sakit na pisikal kaya ko ipinahayag ang ebanghelyo sa inyo sa unang pagkakataon. 14 Kahit na inilagay kayo ng aking pisikal na kalagayan sa pagsubok, hindi ninyo ako hinamak o tinanggihan. Sa halip tinanggap ninyo ako tulad ng anghel ng Diyos, na para bang ako mismo si Cristo Jesus. 15 Saan, samakatuwid, na ngayon ang inyong kaligayahan? Sapagkat aking pinatotohanan sa inyo na, kung maaari, dinukot na ninyo ang inyong mga sariling mga mata at ibinigay ang mga ito sa akin. 16 Kaya noon, naging kaaway na ba ninyo ako dahil sinasabi ko ang katotohanan sa inyo? 17 Nagmamalasakit sila inyo, ngunit hindi sa ikabubuti. Gusto nila kayong ihiwalay sa akin para sumunod kayo sa kanila. 18 Laging mabuti ang magmalasakit para sa mga mabubuting dahilan, at hindi lang kung ako ay nariyan na kasama ninyo. 19 Maliliit kong mga Anak, ako ay nagdaranas muli ng sakit tulad ng babaing nanganganak para sa inyo hanggang si Cristo ay mabuo sa inyo. 20 Gusto kong nariyan ako ngayon kasama ninyo at baguhin ang aking tono, dahil ako ay naguguluhan tungkol sa inyo. 21 Sabihin ninyo sa akin, kayo na gustong magpasailalim sa kautusan, hindi ba ninyo narinig kung ano ang sinasabi ng kautusan? 22 Sapagkat nasusulat na si Abraham ay nagkaroon ng dalawang anak, ang isa ay sa aliping babae at ang isa ay sa malayang babae. 23 Gayunpaman, ang anak ng alipin ay ipinanganak sa laman, ngunit ang ipinanganak ng malayang babae ay ipinanganak sa pamamagitan ng isang pangako. 24 Ang mga bagay na ito ay maipapaliwanag gamit ang talinghaga, sapagkat ang dalawang babaeng ito ay katulad ng dalawang kasunduan. Ang isa sa kanila ay mula sa Bundok ng Sinai. Ipinanganak niya ang kaniyang mga anak na mga alipin. Ito ay si Hagar. 25 Ngayon ang Hagar ay Bundok ng Sinai sa Arabia. Isinisimbolo niya ang kasalukuyang Jerusalem, sapagkat siya ay nasa pagkaalipin kasama ng kaniyang mga anak. 26 Ngunit ang Jerusalem na nasa taas ay malaya, iyon ay, ang ating ina. 27 Sapagkat nasusulat, "Magalak ka, ikaw na babaeng baog, ikaw na hindi nanganganak. Humiyaw ka at sumigaw sa kagalakan, ikaw na hindi pa nakakaranas ng panganganak. Sapagkat marami ang mga anak ng baog na babae, higit pa sa kaniya na may asawa." 28 Ngayon, mga kapatid, katulad ni Isaac, ay mga anak ng pangako. 29 Sa panahong iyon, siyang ipinanganak ayon sa laman ay inuusig siyang ipinanganak ayon sa Espiritu. Ganoon din ito ngayon. 30 Ano ang sinasabi ng kasulatan? "Palayasin mo ang aliping babae at ang kaniyang anak. Sapagkat ang anak ng aliping babae ay hindi kasamang magmamana sa anak ng malayang babae." 31 Samakatuwid, mga kapatid, tayo ay hindi mga anak ng isang aliping babae, ngunit, sa halip ng isang malayang babae.

Chapter 5

1 Para sa kalayaan kaya pinalaya tayo ni Cristo. Kaya magpakatatag kayo at huwag kayong magpabitag muli sa ilalim ng kapangyarihan ng pagkabihag. 2 Makinig kayo, ako si Pablo, ay nagsasabi sa inyo na kung kayo ay magiging tuli, walang kayong mapapakinabangan na anuman kay Cristo. 3 Muli, pinatotohanan ko sa bawat tao na tuli, na mapipilitan kayong sundin ang buong kautusan. 4 Nahiwalay kayo kay Cristo, kayong lahat na "pinawalang sala" sa pamamagitan ng kautusan. Lamayo kayo mula sa biyaya. 5 Sapagkat sa pamamagitan ng Espiritu, sa pananampalataya, naghihintay tayo sa pag-asang tayo ay magiging matuwid. 6 Hindi mahalaga kay Cristo ang pagtutuli. Ang pananampalataya lamang na gumagawa sa pamamagitan pag-ibig ang may halaga. 7 Maganda ang pagtakbo ninyo noon. Sino ang pumipigil sa inyo sa pagtupad sa katotohanan? 8 Ang paghikayat na gawin iyan ay hindi galing sa kaniya na tumawag sa inyo. 9 Ang kaunting lebadura ay nakakaapekto sa buong minasang harina. 10 May pananalig ako sa inyo sa Panginoon na hindi kayo mag-iisip ng kung ano pa man. Siya na nagdudulot ng kalituhan sa inyo ay magdadala ng kaniyang sariling hatol, sinuman siya. 11 Mga kapatid, kung ipinahahayag ko parin ang pagtutuli, bakit inuusig parin ako? Kung ganoon nawasak na ang katitisuran ng krus. 12 Nais ko sana na ang mga nangligaw sa inyo ay kapunin nila ang mga sarili nila. 13 Sapagkat tinawag kayo ng Diyos, mga kapatid, sa kalayaan. Lamang ay huwag ninyong gamitin ang iyong kalayaan bilang pagkakataon para sa laman. Sa halip sa pamamagitan ng pag-ibig paglingkuran ninyo ang bawat isa. 14 Sapagkat ang buong kautusan ay natupad sa isang utos; na "Dapat mong mahalin ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili." 15 Ngunit kung magkakagatan at magsasakmalan kayo, tingnan ninyo na hindi ninyo sinisira ang isa't isa. 16 Sinasabi ko na, lumakad kayo sa Espiritu, at hindi ninyo matutupad ang hilig ng laman. 17 Sapagkat malakas ang nasa ng laman laban sa Espiritu, at ang Espiritu ay may malakas na nasa laban sa laman. Sapagkat ang mga ito ay laban sa isa't isa. Ang kinahinatnan ay hindi ninyo ginawa ang mga bagay ninais ninyong gawin. 18 Ngunit kung ang Espiritu ang nangunguna sa inyo, wala na kayo sa ilalim ng kautusan. 19 Ngayon ang mga gawa ng laman ay nakikita. Ang mga ito ay ang sekswal na imoralidad, kalaswaan, kahalayan, 20 pagsamba sa mga diyus- diyosan, pangkukulam, pagkapoot, pag-aalitan, paninibugho, silkbo ng galit, pagkakatunggali, pagtatalo, pagkakahiwahiwalay sa mga sekta, 21 pagka-inggit, paglalasing, kaguluhan ng dahil sa paglalasing, at iba pang mga katulad nito. Binabalaan ko kayo, tulad ng pagbabala ko sa inyo noon, na ang gumagawa ng mga ito ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos. 22 Subalit ang bunga ng Espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, katiyagaan, kabutihan, kabaitan, pananampalataya, 23 pagkamahinahon, at pagpipigil sa sarili. Walang batas laban sa mga ito. 24 Sila na nakay Cristo Jesus ay ipinako ang laman na kasama ang silakbo nito at masamang mga pagnanasa. 25 Kung tayo ay nabubuhay sa pamamagitan ng Espiritu, tayo rin naman ay lumakad sa pamamagitan ng Espiritu. 26 Huwag tayong maging mapagpahalaga sa sarili, galitin ang isa't isa o mainggit sa isa't isa.

Chapter 6

1 Mga kapatid, kung ang isang tao ay nahuli sa ilang pagkakasala, kayo na espiritwal ang dapat magpanumbalik sa taong iyon sa espiritu ng kahinahunan. Bantayan ninyo ang inyong sarili, upang hindi kayo matukso. 2 Buhatin ninyo ang pasanin ng bawat isa, at nang sa gayon ay matupad ninyo ang kautusan ni Cristo. 3 Sapagkat kung sinuman ang nag-iisip na siya ay mahalaga gayong wala siyang halaga, nililinlang niya ang kaniyang sarili. 4 Dapat suriin ng bawat isa ang kaniyang sariling gawa. At sa ganun mayroon na siyang maipagmayabang sa kaniyang sarili, na hindi kailangang ihambing pa ang kaniyang sarili sa iba. 5 Sapagkat bubuhatin ng bawat isa ang kaniyang sariling pasanin. 6 Ang taong tinuruan ng salita ay dapat ibahagi ang lahat na mabuting bagay sa guro. 7 Huwag magpalinlang. Hindi madadaya ang Diyos. Anuman ang itinanim ng tao, iyon din ang kaniyang aanihin. 8 Sapagkat siya na nagtanim ng butil sa kaniyang likas na kasamaan ay aani din ng kapahamakan, ngunit siya na nagtanim ng butil ng Espiritu, ay aani ng buhay na walang hanggan na galing sa Espiritu. 9 Hindi tayo dapat mapagod sa paggawa ng mabuti, dahil sa takdang panahon magkakaroon tayo ng ani kung hindi tayo susuko. 10 Kaya nga, kung magroon tayong pagkakataon, gumawa tayo ng mabuti sa bawat isa. Magsigawa tayo ng mabuti lalo na sa mga nasa sambahayan ng pananampalataya. 11 Tingnan ninyo kung gaano kalalaking mga titik ang isinulat ko sa inyo sa aking sariling sulat-kamay. 12 Silang naghahangad na makapagbigay kaluguran sa laman ang pumipilit sa inyo na magpatuli. Ginagawa lang nila ito upang hindi sila usigin tungkol sa krus ni Cristo. 13 Sapagkat maging ang mga tuli ay hindi sinusunod ang kautusan. Sa halip, nais nila kayong matuli upang maipagmalaki nila ang patungkol sa inyong laman. 14 Hindi sana mangyari na ako ay magmalaki maliban lang sa krus ng ating Panginoong Jesu- Cristo. Sa pamamagitan niya ang sanlibutan ay napako sa krus sa akin at ako ay sa sanlibutan. 15 Sapagkat hindi mahalaga ang pagtutuli o hindi pagtutuli. Sa halip, ang bagong nilalang ang mahalaga. 16 Sa lahat ng mga nabubuhay sa ganitong patakaran, sumakanila nawa ang biyaya at awa, at ganun din sa Israel ng Diyos. 17 Mula ngayon wala ng manggugulo sa akin, sapagkat dala-dala ko ang mga marka ni Cristo sa aking katawan. 18 Nawa ang biyaya ng ating Panginoong Jesu-Cristo ay sumainyo, mga kapatid. Amen.