Tagalog: Tagalog Unlocked Literal Bible

Updated ? hours ago # views See on DCS Draft Material

Mga Panaghoy

Chapter 1

1 Ang lungsod na minsan ay puno ng mga tao ay nakaupo ngayong ganap na malungkot! Naging katulad siya ng isang balo, bagaman isa siyang makapangyarihang bansa! Naging prinsesa siya sa mga bansa, ngunit ngayon ay sapilitang inalipin! 2 Tumatangis at humahagulgol siya sa gabi, at tinatakpan ng kaniyang mga luha ang kaniyang mga pisngi. Wala sa kaniyang mangingibig ang umaaliw sa kaniya. Pinagtaksilan siya ng lahat ng kaniyang mga kaibigan. Naging mga kaaway niya sila. 3 Pagkatapos ng kahirapan at dalamhati, nabihag ang Juda. Nanirahan siya kasama ang mga bansa at hindi nakatagpo ng kapahingahan. Naabutan siya ng lahat ng mga humahabol sa kaniya sa kaniyang kawalan ng pag-asa. 4 Tumangis ang mga daan ng Zion dahil walang dumating sa itinakdang mga pista. Pinabayaan ang lahat ng kaniyang mga tarangkahan. Naghihinagpis ang kaniyang mga pari. Nalulungkot ang kaniyang mga birhen at siya mismo ay ganap na nabalisa. 5 Naging panginoon niya ang kaniyang mga kaaway; sumagana ang kaniyang mga kaaway. Pinahirapan siya ni Yahweh sa kaniyang maraming kasalanan. Binihag ng kaniyang mga kaaway ang kaniyang mga maliliit na anak. 6 At nawala ang kagandahan ng anak na babae ng Zion. Naging tulad ng usa ang kaniyang mga prinsipe na hindi makahanap ng pastulan at umalis sila na walang lakas sa harap ng mga humahabol sa kanila. 7 Sa mga araw ng kaniyang pagdadalamhati at kawalan ng tahanan, aalalahanin ng Jerusalem ang lahat ng kaniyang mga mamahaling kayamanang mayroon siya sa nakaraang mga araw. Nang bumagsak ang kaniyang mga tao sa kamay ng kaniyang mga kaaway, wala ni isang tumulong sa kaniya. Nakita at pinagtawanan siya ng kaniyang mga kaaway sa kaniyang pagkawasak. 8 Matindi ang pagkakasala ng Jerusalem, kaya, hinamak siya na gaya ng isang bagay na marumi. Hinamak siya ngayon ng lahat ng pumuri sa kaniya simula nang makita nila ang kaniyang kahubaran. Dumaing siya at sinubukang tumalikod. 9 Naging marumi siya sa ilalim ng kaniyang mga palda. Hindi niya inisip ang tungkol sa kaniyang kinabukasan. Kakila-kilabot ang kaniyang pagbagsak. Walang sinuman ang umaaliw sa kaniya. Sumigaw siya, "'Tingnan mo ang aking dalamhati, Yahweh, nagiging napakalakas ng mga kaaway!" 10 Inilagay ng kaaway ang kaniyang kamay sa lahat ng kaniyang mamahaling mga kayamanan. Nakita niya ang mga bansa na pumasok sa kaniyang santuwaryo, kahit na ipinag-utos mo na hindi sila maaring pumasok sa lugar ng pagpupulong. 11 Dumadaing ang lahat ng kaniyang mga tao habang naghahanap sila ng tinapay. Ibinigay nila ang kanilang mga mamahaling kayamanan para sa pagkain upang mapanatili ang kanilang buhay. Tingnan mo, Yahweh, at isaalang-alang mo ako, sapagkat ako ay naging walang kabuluhan. 12 Wala bang halaga sa inyo, kayong lahat na dumaraan? Pagmasdan at tingnan kung mayroong kalungkutan kaninuman tulad ng kalungkutan na nagpahirap sa akin, yamang pinahirapan ako ni Yahweh sa araw ng kaniyang mabagsik na galit. 13 Nagpadala siya ng apoy mula sa itaas sa aking mga buto, at tinalo sila ng mga ito. Naglatag siya ng lambat sa aking mga paa at pinabalik ako. Patuloy niya akong pinabayaan at ginawang mahina. 14 Iginapos nang sama-sama sa pamamagitan ng kaniyang kamay ang pamatok ng aking mga paglabag. Pinagsama-sama at inilagay sa aking leeg. Pinanglulupaypay niya ang aking kalakasan. Ibinigay ako ng Panginoon sa kanilang mga kamay, at wala akong kakayahang tumayo. 15 Itinaboy ng Panginoon ang lahat ng aking mga makapangyarihang kalalakihang nagtatanggol sa akin. Tinawag niya ang kapulungan laban sa akin upang durugin ang aking malalakas na mga kalalakihan. Niyapakan ng Panginoon ang birheng anak na babae ng Juda tulad ng mga ubas sa isang pigaan ng alak. 16 Tumatangis ako dahil sa mga bagay na ito. Ang aking mga mata, dumadaloy ang tubig pababa mula sa aking mga mata dahil ang tagapag-aliw na dapat magpanumbalik ng aking buhay ay malayo sa akin. Napabayaan ang aking mga anak dahil nagtagumpay ang kaaway. 17 Inunat ng Zion ang kaniyang mga kamay; wala ni isa ang umaaliw sa kaniya. Iniutos ni Yahweh na ang mga nasa paligid ni Jacob ang dapat na maging mga kaaway niya. Isang bagay na marumi sa kanila ang Jerusalem. 18 Matuwid si Yahweh, sapagkat naghimagsik ako laban sa kaniyang kautusan. Makinig kayo, lahat kayong mga tao, at tingnan ang aking kalungkutan. Napasok sa pagkabihag ang aking mga birhen at mga malalakas na kalalakihan. 19 Tinawag ko ang aking mga mangingibig ngunit hindi sila tapat sa akin. Namatay ang aking mga pari at mga nakatatanda sa lungsod, habang naghahanap sila ng pagkain upang mailigtas ang kanilang mga buhay. 20 Tingnan mo, Yahweh, sapagkat ako ay nasa pagkabalisa; nababagabag ang aking kaloob-loobang mga bahagi. Nagulumihanan ang aking puso sapagkat labis akong naghimagsik. Pinatay sa mga lansangan ang aming mga anak sa pamamagitan ng espada; ang sa tahanan ay magiging tulad ng mundo ng mga patay. 21 Pakinggan mo akong dumadaing. Wala ni isa ang umaaliw sa akin. Narinig ng lahat ng aking mga kaaway ang aking kahirapan. Nagalak sila na natapos mo ito. Paratingin ang araw na iyong ipinahayag; maging tulad nawa nila ako. 22 Hayaang dumating ang kanilang kasamaan sa iyong harapan. Pahirapan mo sila gaya ng pagpapahirap mo sa akin sa lahat ng aking mga paglabag; sapagkat marami ang aking mga [pag]daing, at mahina ang aking puso.

Chapter 2

1 Ganap na tinakpan ng Panginoon ang anak na babae ng Zion sa pamamagitan ng isang maitim na ulap sa kaniyang galit. Inilugmok niya ang kagandahan ng Israel mula sa langit hanggang sa lupa; ipinagsawalang-bahala niya ang kaniyang tungtungan sa araw ng kaniyang galit. 2 Nilamon at nawalan ng habag ang Panginoon sa buong bayan ni Jacob. Sa kaniyang poot pinabagsak niya ang mga matitibay na lungsod ng anak na babae ng Juda; ihinampas niya sa lupa sa kawalan ng dangal at kahihiyan ang kaharian at ang kaniyang mga prinsipe. 3 Pinutol niya ang lahat ng kalakasan ng Israel sa pamamagitan ng kaniyang matinding galit. Iniurong niya ang kaniyang kanang kamay sa harap ng kaaway. Sinunog niya ang Jacob tulad ng isang nagliliyab na apoy na tumutupok sa lahat ng nasa paligid nito. 4 Ihinampas niya ang kaniyang pana sa atin tulad ng isang kaaway. Tumayo siya sa labanan bilang isang kaaway na nakahanda ang kamay upang pumana. Pinatay niya ang lahat ng mga taong pinakamahalaga sa kaniyang paningin. Ibinuhos niya ang kaniyang poot gaya ng apoy a tolda ng anak na babae ng Zion. 5 Naging tulad ng isang kaaway ang Panginoon. Nilamon niya ang Israel. Nilamon niya ang lahat ng kaniyang mga palasyo; winasak niya ang kaniyang mga matibay na tanggulan. Dinagdagan niya ang pagluluksa at pananaghoy sa anak na babae ng Juda. 6 Sinalakay niya ang tabernakulo tulad ng isang kubo sa hardin. Winasak niya ang mataimtim na lugar ng kapulungan. Ipinalimot ni Yahweh ang mataimtim na pagtitipon at Araw ng Pamamahinga sa Zion, sapagkat hinamak niya ang hari at pari sa pagngingitngit ng kaniyang galit. 7 Tinanggihan ng Panginoon ang kaniyang altar; kinamuhian niya ang kaniyang santuwaryo. Ibinigay niya sa kamay ng mga kaaway ang ang mga pader ng kaniyang mga palasyo. Gumawa sila ng isang ingay ng tagumpay sa tahanan ni Yahweh, gaya sa araw ng mataimtim na pagtitipon. 8 Walang pag-aalinlangang nagpasiya si Yahweh na wasakin ang lungsod na pader ng anak na babae ng Zion. inunat niya ang lubid na panukat at hindi pinigilan ang kaniyang kamay sa pagwasak sa pader. At kaniyang pinapanaghoy ang mga kuta at naging mahina ang mga pader. 9 Lumubog ang kaniyang mga tarangkahan sa lupa; winasak at sinira niya ang mga rehas ng kaniyang mga tarangkahan. Mula sa mga Gentil ang kaniyang hari at mga prinsipe, kung saan walang kautusan ni Moises. Maging ang kaniyang mga propeta ay walang masumpungang pangitain mula kay Yahweh. 10 Nakaupo sa lupa at tahimik na nagdadalamhati ang mga nakatatanda ng anak na babae ng Zion. Nagsabog sila ng alabok sa kanilang mga ulo; nakasuot sila ng telang magaspang. Ibinaba ng mga birhen ng Jerusalem ang kanilang mga ulo sa lupa. 11 Natapos na ang aking mga luha; mapula ang aking mga mata; naligalig ang aking kalooban. Naibuhos sa lupa ang aking atay dahil sa pagkadurog ng anak na babae ng aking mga tao sapagkat mahinag mahina ang mga bata at mga pasusuhing mga sanggol sa lansangan ng nayon. 12 Sinasabi nila sa kanilang mga ina, "'Nasaan ang butil at alak?"' nahihimatay tulad ng mga sugatang kalalakihan sa mga lansangan ng lungsod, ibinubuhos ang kanilang mga buhay sa mga kandungan ng kanilang mga ina. 13 Ano ang masasabi ko tungkol sa iyo, anak na babae ng Jerusalem? Birheng anak ng Zion, ano ang maihahambing ko sa iyo upang aliwin ka? Kasing lawak ng dagat ang iyong pagguho. Sino ang magpapagaling sa iyo? 14 Nakakita ng mga pandaraya at kamangmangang pangitain ang inyong mga propeta sa inyo. Hindi nila inihayag ang inyong matinding kasalanan upang panumbalikin ang inyong mga kapalaran, ngunit nakahiwatig ng mapanlinlang na mga pagpapahayag at mga tukso sa inyo. 15 Ipinapalakpak ng lahat ng mga dumadaan ang kanilang kamay sa inyo. Sumusutsot sila at iniiling ang kanilang mga ulo laban sa anak na babae ng Jerusalem at sinasabi, "'Ito ba ang lungsod na tinatawag nilang 'Ang Kasakdalan ng Kagandahan,' 'Ang Kagalakan ng buong Lupa?"' 16 Lahat ng inyong mga kaaway ay bubuksan ang kanilang mga bibig at kukutyain kayo. Sisipol sila at nagngangalit ang kanilang mga ngipin; sinasabi nila, "Nilamon namin siya! Tunay na ito ang araw na ating hinihintay! Nakita natin ito!" 17 Ginawa ni Yahweh ang kaniyang napagpasyahan. Tinupad niya ang kaniyang salita na kaniyang ipinahayag matagal na ang nakalipas. Siya ay ibinagsak niya; hindi siya nagpakita ng habag, sapagkat pinahintulutan niya upang magalak sa inyo ang kaaway; itinaas niya ang lakas ng inyong mga kaaway. 18 Sumisigaw ang kanilang mga puso sa Panginoon, "Mga Pader ng anak na babae ng Zion, hayaang dumaloy ang mga luha tulad ng isang ilog sa araw at gabi. Huwag mong pagpahingahin ang iyong sarili. Huwag mong pigilin ang pag-agos sa iyong mga mata. 19 Tumayo at sumigaw ka sa gabi; sa pasimula ng oras ibuhos mo ang iyong puso tulad ng tubig sa harapan ng Panginoon. Itaas mo ang iyong mga kamay sa kaniya dahil ang buhay ng iyong mga anak na nakahigang mahina sa gutom sa dulo ng bawat lansangan." 20 Tingnan mo, Yahweh, at tingnan mo ng mabuti ang mga pinakitunguhan mo ng napakatindi. Kinakailangan bang kainin ng mga kababaihan ang kanilang sariling bunga, ang mga anak na kanilang inalagaan? Kinakailangan bang patayin ang pari at propeta sa santuwaryo ng Panginoon? 21 Humiga sa lupa sa mga lansangan ang mga bata at mga matatanda. Namatay sa pamamagitan ng espada ang aking mga birhen at malalakas na mga kalalakihan. Pinatay mo sila sa araw ng iyong matinding galit; walang awa mo silang pinatay at hindi nagpakita ng kahabagan. 22 Ipinatawag mo ang aking kinatatakutan sa lahat ng dako gaya sa araw ng mataimtim na pagtitipon; walang nakatakas, at walang nakaligtas sa araw ng matinding galit ni Yahweh. Nilipol ng aking mga kaaway ang aking mga inalagaan at pinalaki.

Chapter 3

1 Ako ay isang taong nakakita ng paghihirap sa ilalim ng pamalo ng matinding galit ni Yahweh. 2 Itinaboy niya ako at pinalakad sa kadiliman sa halip na liwanag. 3 Tunay siyang bumaling laban sa akin, buong araw niyang ibinabaling ang kamay niya laban sa akin. 4 Ang aking laman at balat ay ginutay niya, ang aking mga buto ay binali niya. 5 Gumawa siya ng mga gawaing paglusob na sa akin ay laban, at pinaligiran ako ng kapaitan at kahirapan. 6 Sa mga madilim na lugar niya ako pinatira, tulad nilang mga patay na noon pa. 7 Gumawa siya ng pader sa paligid ko at hindi ako makatakas. Pinabigat niya ang aking mga posas. 8 Kahit na tumawag at sumigaw ako ng tulong, aking mga panalangin ay kaniyang kinukulong. 9 Hinarangan niya ang aking landas ng mga pader na gawa sa sinibak na bato, hindi tuwid ang bawat daanang aking tinatahak. 10 Tulad siya ng osong naghihintay upang tambangan ako, isang leon na nasa pagtatago. 11 Inilihis niya ang mga landas ko. Ginugutay at pinapabayaan niya ako. 12 Iniunat niya ang kaniyang pana at minarkahan ako bilang tudlaan ng palaso. 13 Ipinadala niya ang mga palaso mula sa kaniyang sisidlan upang pumasok sa aking mga bato. 14 Ako ay naging katatawanan sa lahat ng aking mga kababayan, ang paksa sa mapanuyang awit nila sa araw-araw. 15 Pinuno niya ako ng kapaitan at pinilit painumin ng ajenjo. 16 Dinurog niya ang aking mga ngipin ng bato, sa alikabok ay isinubsob niya ako. 17 Sa aking buhay ay tinanggal mo ang kapayapaan, hindi ko na maalala pa ang alinmang kaligayahan. 18 Kaya sinabi ko, "Ang aking tatag ay nawala na at ang aking pag-asa kay Yahweh ay naubos na." 19 Inaalala ko ang aking kahirapan at ang aking pagkaligaw sa ajenjo at kapaitan. 20 Tiyak na ito ay aking inaalala, at sa loob ko ay yumuyukod ako sa kawalan ng pag-asa. 21 Ngunit ito ang aking inaalala, at ito ang dahilang ako ay may pag-asa: 22 Ito ay sa pamamagitan ng katapatan sa kasunduan ni Yahweh kaya hindi tayo nalipol, sapagkat ang kaniyang mga kilos ng kahabagan ay hindi nagwakas. 23 Ang mga kilos ng kahabagan niya ay muling nagaganap sa bawat umaga, katapatan mo ay dakila! 24 "Si Yahweh ay aking mana," sinabi ko sa aking sarili, kaya aasa ako sa kaniya. 25 Si Yahweh ay mabuti sa sinumang naghihintay sa kaniya, sa buhay na naghahanap sa kaniya. 26 Mabuti ang maghintay sa pagliligtas ni Yahweh nang tahimik. 27 Mabuti sa isang tao na ang pamatok sa kaniyang kabataan ay kaniyang natitiis. 28 Hayaan siyang manahimik at umupong mag-isa, dahil inilagay ito ni Yahweh sa kaniya. 29 Hayaang ilagay niya sa alikabok ang bibig niya, at marahil mayroong pag-asa. 30 Hayaang ang kaniyang pisngi ay ibigay niya sa sinumang humahampas sa kaniya. Hayaang mapuno siya ng kahihiyan, 31 sapagkat hindi siya tatanggihan ng Panginoon magpakailanman! 32 Sapagkat kahit na nagdadala siya ng kalungkutan, nagpapakita rin siya ng kahabagan na lumalabas mula sa kaniyang kadakilaan ng kaniyang katapatan sa kasunduan. 33 Sapagkat hindi siya nagmamalupit mula sa kaniyang puso, o nagpapahirap sa mga anak ng mga tao. 34 Sa pagdurog sa lahat ng mga bihag sa lupa sa ilalim ng kaniyang paa, 35 sa paglihis sa katarungan ng mga tao sa harapan ng mukha ng Kataas-taasan, 36 sa paghadlang sa isang tao sa kaniyang katwiran—hindi ba nakikita ng Panginoon? 37 Sino ang nagsasalita at nangyayari kapag hindi ito iniutos ng Panginoon? 38 Hindi ba parehong kapahamakan at katagumpayan ay nagmumula sa bibig ng Kataas-taasan? 39 Paano makakadaing ang sinumang taong nabubuhay? Paaano makakadaing ang sinumang tao tungkol sa kaparusahan ng kaniyang mga kasalanan? 40 Siyasatin at suriin natin ang ating mga pamamaraan, at muling manumbalik kay Yahweh. 41 Itaas natin ang ating mga puso at mga kamay sa Diyos sa kalangitan at manalangin: 42 "Laban sa iyo kami ay nagkasala at naghimagsik, kaya kami ay hindi mo pinatawad. 43 Tinakpan mo ang iyong sarili ng galit at hinabol kami. Pinagpapatay mo kami, at hindi mo kami kinahabagan. 44 Tinakpan mo ang iyong sarili ng ulap, upang walang panalangin ang makakalampas. 45 Ginawa mo kaming mga taong itinakwil at dumi sa iba't ibang mga lahi. 46 Ibinuka ng lahat ng aming mga kaaway ang kanilang bibig nang may pangungutya laban sa amin. 47 Dumating sa amin ang takot sa hukay, pagkasira at pagkaluray." 48 Umaagos ng daloy ng tubig ang mata ko dahil sa pagkaluray ng anak na babae ng mga kababayan ko. 49 Umaagos ang mga mata ko, at hindi tumitigil ang mga ito, sapagkat wala itong katapusan 50 hanggang sa tumunghay at tumingin si Yahweh mula sa kalangitan. 51 Nagbibigay ng matinding sakit sa aking buhay ang mata ko dahil sa lahat ng mga anak na babae sa lungsod ko. 52 Walang tigil akong tinutugis tulad ng isang ibon ng aking mga kaaway nang walang dahilan. 53 Sinira nila sa balon ang buhay ko at sa ibabaw ko ay naglagay ng isang bato. 54 Dumaloy ang tubig sa aking ulo, sinabi ko, "Nilagot ako!" 55 Tinawag ko ang iyong pangalan, Yahweh, mula sa pinakamababang hukay. 56 Narinig mo ang aking tinig nang sinabi ko, "Huwag mong itago ang iyong tainga sa aking pagtawag ng tulong, sa aking pagsigaw ng saklolo! 57 Lumapit ka sa araw na tinawag kita, sinabi mo sa akin, "Huwag kang mangamba!" 58 Panginoon, ipinagtanggol mo ako nang ako ay nasa paglilitis para sa buhay ko, iniligtas mo ang buhay ko! 59 Yahweh, nakita mo ang kanilang pang-aapi sa akin. Hatulan mo nang makatarungan ang aking usapin. 60 Nakita mo ang lahat kanilang mga kilos ng paghihiganti, lahat ng kanilang binabalak laban sa akin. 61 Narinig mo ang panghahamak nila, Yahweh, at lahat ng kanilang mga balak tungkol sa akin. 62 Narinig mo ang mga labi ng mga tumindig laban sa akin, narinig mo ang kanilang malalim na kaisipang laban sa akin sa buong araw. 63 Maging sa kanilang pag-upo o sa kanilang pagtayo, tingnan mo Yahweh! Ako ang paksa sa kanilang awit ng pangungutya. 64 Gumanti ka sa kanila, Yahweh, gaya ng pinsalang ginawa ng kanilang mga kamay. 65 Lagyan mo ng takot ang kanilang mga puso, lagyan mo sila ng sumpa. 66 Habulin mo sila sa iyong galit at lipulin mo sila saanman sa ilalim ng kalangitan, Yahweh!

Chapter 4

1 Ganap na nawalan ng kinang ang ginto; nagbago ang pinakadalisay na ginto. Naibuhos ang mga banal na bato sa dulo ng bawat lansangan. 2 Mahalaga ang mga anak na lalaki ng Zion, higit na mahalaga kaysa sa dalisay na ginto. Ngunit ngayon itinuturing silang walang halaga kundi gaya ng mga tapayan na gawa sa pamamagitan ng mga kamay ng magpapalayok. 3 Maging ang mga asong gubat ay nagpakita ng suso upang pasusuhin ang kanilang mga anak, ngunit ang anak na babae ng aking mga tao ay gaya ng mabagsik na ostrits sa ilang. 4 Nakadikit sa ngalangala ng kaniyang bibig ang dila ng sumususong sanggol dahil sa uhaw; humihingi ng tinapay ang mga bata, ngunit wala ng para sa kanila 5 Napabayaan ngayon ang mga taong kumakain dati ng mamahaling pagkain, na nagugutom sa mga lansangan; silang mga nagsuot ng matingkad na pulang kasuotan ay nasa ibabaw na ngayon ng tambak ng basura. 6 Ang mabigat na pagkakasala ng anak na babae ng aking mga tao ay higit na malaki kaysa sa kasalanan ng Sodoma, na itinapon sa isang iglap, bagaman walang mga kamay na sumunggab sa kaniya. 7 Makinang tulad ng niyebe at maputi gaya ng gatas ang kaniyang mga pinuno. Ang kanilang katawan ay mas mapula kaysa sa koral; tulad ng safiro ang kanilang anyo. 8 Pinaitim ng kadiliman ang kanilang itsura ngayon, hindi sila makilala sa mga lansangan, sapagkat kumapit ang kanilang balat sa kanilang tuyong mga buto. Naging gaya ito ng tuyong kahoy! 9 Mas mabuti ang mga napatay sa gutom kaysa sa mga namatay sa pamamagitan ng espada; mas mabuti sila kaysa sa mga nanghihina, tinuhog sa gutom sa kakulangan ng anumang mga ani mula sa mga bukirin. 10 Pinakuluan ng mga kamay ng mga mahabaging kababaihan ang kanilang sariling mga anak; ang mga batang ito ang naging pagkain nila sa panahon ng pagkawasak ng anak na babae ng aking mga tao. 11 Nasisiyahan si Yahweh sa kaniyang pagkapoot. Ibinuhos niya ang kaniyang nag-aapoy na galit; nagpaningas siya ng apoy sa Zion, at nilamon nito ang kaniyang mga pundasyon. 12 Maging ang mga hari sa lupa o sinumang naninirahan sa mundo ay hindi maniniwalang makakapasok sa mga tarangkahan ng Jerusalem ang kalaban at kaaway. 13 Ngunit nagawa nila, dahil sa mga kasalanan ng kaniyang mga propeta, at sa mga mabibigat na pagkakasala ng kaniyang mga pari na nagdanak ng dugo ng matuwid sa kaniyang kalagitnaan. 14 Gumagala ngayon ang mga propeta at mga paring iyon sa mga lansangan tulad ng mga bulag na lalaki. Nadungisan sila ng dugong iyon kaya walang sinuman ang maaaring makahawak sa kanilang mga damit. 15 "Magsilayo kayo! Marurumi," isinisigaw ng mga propeta at mga paring ito. "Magsilayo kayo, magsilayo kayo! Huwag ninyo kaming hawakan!" Kaya nagpagala-gala sila sa ibang mga lupain, ngunit sinasabi maging ng mga Gentil, "Hindi na sila maaaring manirahan dito bilang mga dayuhan." 16 Ikinalat sila ni Yahweh mula sa kaniyang harapan; hindi na niya sila tinitingnan pa nang may pagpanig. Kailanman walang anumang paggalang ang tumanggap sa mga pari, at hindi na sila nagpapakita ng pagmamalasakit sa mga nakatatanda. 17 Patuloy na nabigo ang aming mga mata sa paghahanap ng kahit na walang kabuluhang tulong, bagaman sabik silang nagbantay sa isang bansang hindi makapagliligtas sa amin. 18 Inaabangan nila ang aming mga hakbang patungo sa aming mga lansangan. Malapit na ang aming wakas at natapos na ang aming mga kaarawan, sapagkat dumating na ang aming wakas. 19 Mas matulin pa sa mga agilang nasa alapaap ang aming mga manunugis. Hinahabol nila kami sa mga kabundukan at nag-aabang sila sa amin sa ilang. 20 Ang hininga sa mga butas ng aming ilong, ang pinahiran ni Yahweh—na aming hari, ay nahuli sa kanilang mga hukay; siya ang aming hari na aming sinasabi, "'Mabubuhay kami sa ilalim ng kaniyang pangangalaga kasama ng mga bansa."' 21 Magalak at matuwa, anak na babae ng Edom na naninirahan sa lupain ng Uz, sapagkat dadaan din ang kopa sa iyo. Malalasing ka at huhubaran ang iyong sarili. 22 Natapos na ang iyong kasamaan, anak na babae ng Zion. Hindi ka na niya bibihagin. Ngunit kaniyang parurusahan ang iyong kasamaan, anak na babae ng Edom. Kaniyang ilalantad ang iyong mga kasalanan.

Chapter 5

1 Iyong alalahanin, Yahweh, kung ano ang nangyari sa amin. Masdan at tingnan ang aming kahihiyan. 2 Ibinigay sa mga dayuhan ang aming mana; ang aming mga tahanan sa mga dayuhan. 3 Naging mga ulila kami, sapagkat wala na kaming mga ama, at katulad ng mga balo ang aming mga ina. 4 Nagkakahalaga ng pilak ang tubig na aming iinumin, at ipinagbibili sa amin ang aming sariling kahoy. 5 Hinahabol kami ng aming mga kaaway; sila ay napakalapit na humihinga na sa aming mga leeg. Pagod na kami; wala ng kapahingahan para sa amin. 6 Iniaabot namin ang aming mga kamay sa mga taga-Egipto at mga taga-Asiria upang mabusog sa pagkain. 7 Nagkasala ang aming mga ama; wala na sila, at pinasan namin ang kanilang mga kasalanan. 8 Pinamunuan kami ng mga alipin, at wala ni isang makapagligtas sa amin sa kanilang mga kamay. 9 Inilagay namin sa panganib ang aming mga buhay upang kunin ang aming mga tinapay sa pagharap sa mga espada sa ilang. 10 Tulad ng isang hurno ang aming mga balat, nasunog mula sa init ng pagkagutom. 11 Pinagsamantalahan nila ang mga kababaihan sa Zion, ang mga birhen sa mga lungsod ng Juda. 12 Ibinitin nila ang mga prinsipe sa pamamagitan ng sarili nilang mga kamay, at hindi nila iginagalang ang mga nakatatanda. 13 Dinala nila ang mga masisiglang na kalalakihan sa gilingan, at ang mga susuray-suray na binata sa ilalim ng mga puno ng kahoy. 14 Tinanggal nila ang mga nakatatanda sa tarangkahan sa lungsod at ang masisiglang kalalakihan mula sa kanilang tugtugin. 15 Tumigil ang kagalakan ng aming mga puso; napalitan ng pagluluksa ang aming pagsasayaw. 16 Nahulog ang korona mula sa aming mga ulo! sa aba namin! Sapagkat nangagkasala kami. 17 Nagkasakit ang aming mga puso, at lumabo ang aming mga mata, 18 dahil gumagala ang mga asong gubat sa Bundok ng Zion na iniwanan. 19 Ngunit ikaw si Yahweh, maghari ka magpakailanman, at ang iyong luklukan ay mula sa sali't salinlahi. 20 Bakit mo kami kakalimutan ng magpakailanman? Pababayaan mo ba kami ng napakatagal? 21 Panumbalikin mo kami sa iyo, Yahweh at magsisisi kami. Papanumbalikin mo ang aming mga araw gaya nang unang panahon, 22 maliban na lamang kung kami ay tunay na tinanggihan at labis ang iyong galit sa amin.