Tagalog: Tagalog Unlocked Literal Bible

Updated ? hours ago # views See on DCS Draft Material

Mga Awit ni Solomon

Chapter 1

1 Ang Awit ng mga Awit ni Solomon. Nagsasalita sa kaniyang kasintahan ang dalaga 2 O, halikan mo ako ng mga halik ng iyong bibig, dahil mas mainam kaysa sa alak ang iyong pag-ibig. 3 May kaaya-ayang halimuyak ang iyong mga langis na pamahid; parang pabangong dumadaloy ang iyong pangalan, kaya iniibig ka ng mga dalaga. 4 Isama mo ako, at tayo ay tatakbo. Nagsasalita sa kaniyang sarili ang dalaga. Dinala ako ng hari sa kaniyang mga silid. Nagsasalita sa kaniyang kasintahan ang dalaga Masaya ako, nagagalak sa iyo; hayaan mong ipagdiwang ko ang iyong pag-ibig, mas mainam ito kaysa sa alak. Tama lang na hangaan ka ng ibang mga kababaihan. Nagsasalita ang babae sa ibang kababaihan. 5 Nagsasalita ang babae sa ibang mga kababaihan. Ako ay kayumanggi pero maganda, kayong mga dalaga ng mga kalalakihan ng Jerusalem- kayumanggi tulad ng mga tolda ng Kedar, maganda tulad ng mga kurtina ni Solomon. 6 Huwag akong titigan dahil sa ako ay kayumanggi, dahil ako ay bahagyang sinunog ng araw. Ang mga lalaking kapatid ko sa ina ay galit sa akin; ginawa nila akong taga-pangalaga ng ubasan, pero ang sarili kong ubasan hindi ko napanatili. Nagsasalita sa kaniyang kasintahan ang babae 7 Sabihin mo sa akin, ikaw na aking mahal, saan mo pinapakain ang iyong kawan? Saan mo pinagpapahinga ang iyong kawan sa katanghalian? Bakit ako dapat maging katulad ng isang tao na nagpapalakad-lakad sa tabi ng mga kawan ng iyong mga kasamahan? Sumasagot sa kaniya ang kaniyang mangingibig. 8 Kung hindi mo alam, pinakamaganda sa mga kababaihan, sundan mo ang dinaraanan ng aking kawan, at ipastol mo ang iyong mga batang kambing malapit sa mga tolda ng mga pastol. 9 Inihahambing kita, aking mahal, sa isang inahing kabayo na nabibilang sa mga kabayo ng mga karwahe ni Paraon. 10 Ang iyong mga pisngi ay magandang may palamuti, ang iyong leeg may kwintas ng mga hiyas. 11 Gagawan kita ng gintong mga palamuti na may mga batik-batik na pilak. Nagsasalita sa kaniyang sarili ang babae 12 Habang nakahiga ang hari sa kaniyang papag, naglabas ng halimuyak ang aking nardo. 13 Para sa akin, tulad ng isang sisidlan ng mira ang aking minamahal na nagpapalipas ng gabi nakahiga sa pagitan ng aking mga dibdib. 14 Para sa akin, ang aking minamahal ay tulad ng isang kumpol ng mga bulaklak ng hena sa ubasan ng En-gedi. Nagsasalita sa kaniya ang kaniyang kasintahan 15 Tingnan mo, maganda ka aking mahal, tingnan mo, maganda ka; parang mga kalapati ang iyong mga mata. Nagsasalita ang babae sa kaniyang mangingibig. 16 Tingnan mo, makisig ka, aking minamahal, o anong kisig mo. Ang mga malalagong halaman ay nagsisilbing ating higaan. 17 Ang mga biga ng ating bahay ay mga sanga ng puno ng sedar, at ang pamakuan ng ating bubong ay mga sanga ng pir.

Chapter 2

1 Ako ay isa lamang bulaklak na nasa isang kapatagan, isa lamang liryo na nasa isang lambak. Nagsasalita sa kaniya ang lalaki. 2 Gaya ng isang liryo sa mga tinik, gayon ka rin, aking mahal, sa mga dalaga ng aking mga kababayan. Nagsasalita sa kaniyang sarili ang babae. 3 Gaya ng puno ng aprikot sa mga puno ng kagubatan, gayon din ang aking minamahal sa gitna ng mga kabinataan. Umuupo ako sa ilalim ng kaniyang anino na may labis na kasiyahan, at ang kaniyang bunga ay matamis sa aking panlasa. 4 Dinala niya ako sa bulwagan ng salu-salo, ang kaniyang bandila sa akin ay pag-ibig. Nagsasalita sa kaniyang mangingibig ang babae. 5 Muli akong palakasin sa pamamagitan ng keyk na pasas at pasiglahin muli sa pamamagitan ng mga aprikot, dahil ako ay mahina sa pag-ibig. Nagsasalita sa kaniyang sarili ang babae. 6 Ang kaniyang kaliwang kamay ay nasa ilalim ng aking ulo, at ang kaniyang kanang kamay ay niyayakap ako. Nagsasalita sa ibang mga kababaihan ang babae. 7 Nais kong ipangako ninyo, mga anak na dalaga ng Jerusalem, kasama ng mga gasel at ng mga babaeng usa ng kabukiran, na hindi ninyo gagambalain ang aming pagtatalik hanggang ito ay matapos. Nagsasalita sa kaniyang sarili ang babae 8 Nanjan na ang tinig ng aking minamahal! O, parating na siya rito, lumulukso sa ibabaw ng mga bundok, tumatalon sa ibabaw ng mga burol. 9 Ang aking minamahal ay tulad ng isang gasel o isang batang lalaking usa, masdan mo, siya ay nakatayo sa likod ng aming pader, sumisilip sa bintana, sumusungaw sa sala-sala. 10 Ang aking minamahal ay nagsalita sa akin at nagsabi, "Bumangon ka, aking mahal; aking magandang sinta, sumama ka sa aking pag-alis. 11 Tingnan mo, lumipas na ang tag-lamig; tapos na ang tag-ulan at ito ay wala na. 12 Lumitaw na ang mga bulaklak sa lupain; ang oras ng pagpuputol ng puno at ang pag-aawitan ng mga ibon ay dumating na, at ang tinig ng mga kalapati ay naririnig sa ating lupain. 13 Hinihinog ng puno ng igos ang kaniyang mga berdeng igos, at ang mga puno ng ubas ay namumulaklak; naglalabas ang mga ito ng halimuyak. Bumangon ka, aking mahal, aking magandang sinta, at sumama ka. 14 Aking kalapati, sa mga siwang ng mga batuhan, sa lihim na siwang ng mga bundok, hayaan mong makita ko ang iyong mukha. Hayaan mong marinig ko ang iyong tinig, dahil matamis ang iyong tinig, at ang iyong mukha ay kaibig-ibig". Nagsasalita sa kaniyang sarili ang babae 15 Hulihin ang mga soro para sa atin, ang mga maliliit na soro na sumisira ng mga ubasan, dahil ang ating ubasan ay namumulaklak. 16 Ang aking minamahal ay akin, at ako ay sa kanya; siya ay nanginginain sa mga liryo na may kasiyahan. Nagsasalita sa kanyang kasintahan ang babae 17 Lumayo ka, aking minamahal, bago umihip ang mahinang hangin ng bukang-liwayway at ang mga anino ay maglaho. Lumayo ka; maging tulad ng isang gasel o ng isang batang lalaking usa sa baku-bakong bundok.

Chapter 3

1 Sa gabi sa aking higaan ako ay nananabik sa aking mahal, hinanap ko siya, pero hindi ko siya matagpuan. 2 Sabi ko sa aking sarili, "Babangon ako at pupunta sa iba't ibang dako ng lungsod, sa mga lansangan at mga plasa; hahanapin ko ang aking minamahal". Hinanap ko siya pero, hindi ko siya matagpuan. 3 Natagpuan ako ng mga bantay habang sila ay nag-iikot sa lungsod. Tinanong ko sila, "Nakita ba ninyo ang aking minamahal?" 4 Ilang sandali palang ang nakalipas pagkatapos ko silang malampasan nang natagpuan ko siya na minamahal ng aking kaluluwa. Hinawakan ko siya at hindi siya binitiwan hanggang nadala ko siya sa bahay ng aking ina, sa silid ng nagbuntis sa akin. Nagsasalita sa ibang kababaihan ang babae 5 Nais kong mangako kayo, mga anak na dalaga ng bayang Jerusalem, kasama ng mga gasel at mga babaing usa sa parang, na hindi ninyo gagambalain ang aming pagtatalik hanggang ito ay matapos. Nagsasalita sa kaniyang sarili ang babae 6 Ano iyon na dumarating mula sa ilang tulad ng isang hanay ng usok, pinabanguhan ng mira at kamanyang, kasama ng lahat ng mga pulbos na ipinagbili ng mga mangangalakal? 7 Tingnan mo, ang arag-arag ni Solomon na binubuhat; animnapung mga mandirigma ang nakapaligid dito, animnapung mga sundalo ng Israel. 8 Sila ay mga dalubhasa sa espada at bihasa sa digmaan. Bawa't lalaki ay may espada sa kaniyang tagiliran, armado laban sa mga kilabot ng gabi. 9 Ginawan ni Haring Solomon ang kaniyang sarili ng isang upuan na yari sa kahoy na Sedan na mula sa Lebanon. 10 Ang mga poste nito ay gawa sa pilak, ang likuran ay gawa sa ginto, at ang upuan sa lilang tela. Ang panloob nito ay pinalamutian ng may pag-ibig ng mga anak na dalaga ng bayang Jerusalem. Nagsasalita sa ibang kababaihan ng Jerusalem ang dalaga. 11 Lumabas kayo, mga dalaga ng bayang Sion, at masdang mabuti si Haring Solomon, suot-suot ang korona na siyang ikinorona sa kaniya ng kaniyang ina sa araw ng kaniyang kasal, doon sa masayang araw ng kaniyang buhay.

Chapter 4

1 O, kay ganda mo, aking mahal; kay ganda mo. Ang iyong mga mata ay katulad ng mga kalapati sa likuran ng iyong belo. Ang iyong buhok ay tulad ng isang kawan ng mga kambing na bumababa mula sa Bundok ng Gilead. 2 Ang iyong mga ngipin ay katulad ng isang kawan ng mga tupang babae na bagong gupit, na umaahon mula sa lugar ng pinagpaliguan. Bawa't isa ay may isang kakambal at walang isa sa kanila ang namatayan. 3 Ang labi mo ay katulad ng isang hibla ng eskarlata; ang bibig mo ay kaibig-ibig. Ang mga pisngi mo ay katulad ng kabiyak na granada sa likuran ng iyong belo. 4 Ang leeg mo ay katulad ng tore ni David na itinayo sa mga hanay ng bato, na may isang libong mga kalasag na nakasabit dito, lahat ng mga kalasag ng mga sundalo. 5 Ang dalawang dibdib mo ay katulad ng dalawang munting usa, magkakambal na gasel, na nanginginain sa kalagitnaan ng mga liryo. 6 Hanggang dumating ang bukang-liwayway at ang mga anino ay naglaho, ako ay magpupunta sa bundok ng mira at sa burol ng kamanyang. 7 Kay ganda mo sa lahat ng paraan, aking mahal at walang kapintasan sa iyo. 8 Sumama ka sa akin mula sa Lebanon, babaeng aking pakakasalan. Sumama ka sa akin mula sa Lebanon; sumama ka mula sa tuktok ng Bundok ng Amana, mula sa tuktok ng Bundok ng Senir at Hermon, mula sa mga lungga ng leon, mula sa lunggang bundok ng mga leopardo. 9 Ninakaw mo ang puso ko, aking kapatid, babaeng aking pakakasalan; nabihag mo ang puso ko, sa isang sulyap lamang sa akin, sa isang hiyas lamang ng iyong kuwintas. 10 Kay ganda ng iyong pag-ibig, aking kapatid, babaeng aking pakakasalan! Mas mainam ang pag-ibig mo kaysa sa alak, at ang halimuyak ng pabango mo kaysa sa anumang sangkap ng pabango. 11 Ang iyong labi, babaeng aking pakakasalan, tumutulong pulot; ang pulot at gatas ay nasa ilalim ng iyong dila; ang halimuyak ng iyong mga kasuotan ay katulad ng halimuyak ng Lebanon. 12 Aking kapatid, babaeng aking pakakasalan ay isang harding nakakandado, isang harding nakakandado, isang bukal na nakasarado. 13 Ang mga sanga mo ay isang kahuyan ng mga puno ng granada na may piling bunga, at ng hena at mga halamang nardo, 14 Pakong nardo at safron, kalamo at kanela kasama ang lahat ng mga uri ng sangkap ng pabango, mira at mga aloe kasama lahat ng pinakamainam na mga sangkap ng pabango. 15 Ikaw ay bukal sa hardin, isang balon na may sariwang tubig, mga batis na umaagos pababa mula sa Lebanon. Ang dalaga ay nagsasalita sa kaniyang mangingibig. 16 Gumising ka, hanging hilaga; lumapit ka hanging timog; umihip ka sa aking hardin para itong mga sangkap ng pabango ay maaaring maglabas ng kanilang halimuyak. Nawa ang aking minamahal ay pumarito sa kaniyang hardin at kumain ng ilang piling bunga nito.

Chapter 5

1 Dumating ako sa aking hardin, aking kapatid na babae, babaeng aking pakakasalan; Tinipon ko ang aking mira na may sangkap ng aking pabango. kinain ko ang aking pulot-pukyutan kasama ng aking pulot; Ininom ko ang aking alak kasama ang aking gatas. Kumain, ka kaibigan. kumain, kaibigan; uminom ka nang malaya, aking mahal. Kinakausap ng dalaga ang kaniyang sarili 2 Ako ay natutulog, pero ang puso ko ay gising sa isang panaginip. Naroroon ang tunog ng aking minamahal na kumakatok at sinasabi, "Pagbuksan mo ako, aking kapatid na babae, aking mahal, aking kalapati, aking dalisay, dahil ang ulo ko ay basa sa hamog, ang buhok ko sa gabing mamasa-masa." 3 Hinubad ko ang aking balabal; dapat ko ba itong isuot muli? Hinugasan ko ang aking mga paa; dapat ko ba silang dumihan muli? 4 Inilagay ng aking minamahal ang kaniyang kamay sa bungad ng trangkahan ng pintuan, at sumigla ang puso ko para sa kaniya. 5 Bumangon ako para pagbuksan ng pintuan ang aking minamahal; ang aking mga kamay ay may tumutulong mira, ang aking mga daliri ay mamasa-masang may mira, sa hawakan ng pintuan. 6 Pinagbuksan ko ng pintuan ang aking minamahal, pero ang aking minamahal ay umalis at wala na. Ang puso ko ay nalugmok; Nawalan ako ng pag-asa. Hinanap ko siya, pero hindi ko siya natagpuan; Tinawag ko siya, pero hindi niya ako sinagot. 7 Natagpuan ako ng mga bantay na nagpunta malapit sa lungsod; hinagupit at sinugatan nila ako; kinuha mula sa akin ng mga nagbabatay ng pader ang aking balabal. Ang dalaga ay nakikipag-usap sa mga kababaihan ng lungsod 8 Nais ko kayong mangako, mga anak na babae ng Jerusalem, na kung makikita ninyo ang aking minamahal, sabihin ninyo sa kaniya ako ay may sakit dahil sa aking pag-ibig sa kaniya. Ang mga kababaihan ng lungsod ay nagsasalita sa dalaga. 9 Paanong mas mabuti ang iyong minamahal kaysa sa ibang lalaking minamahal, ikaw na maganda sa lahat ng mga babae? Bakit mas higit ang iyong minamahal kaysa sa ibang minamahal, na hiniling mo sa amin para manumpa tulad nito? Ang dalaga ay nagsasalita sa mga kababaihan ng lungsod 10 Ang aking minamahal ay nagniningning at mamula-mula, namumukod tangi sa kalagitnaan ng sampung libo. 11 Ang kaniyang ulo ay ang pinakadalisay na ginto; kulot ang kaniyang buhok at kasing itim ng isang uwak. 12 Ang kaniyang mga mata ay katulad ng mga kalapati sa tabi ng mga dumadaloy na tubig, hinugasan sa gatas, ikinabit katulad ng mga hiyas. 13 Ang kaniyang mga pisngi ay katulad ng mga nakatainim na mga sangkap ng pabango, nagbibigay ng mabangong mga amoy. Ang kaniyang labi ay mga liryo, tumutulong mira. 14 Ang kaniyang mga bisig ay mabilog na ginto na may nakalagay na mga hiyas; ang kaniyang tiyan ay nabalutan ng garing na may mga sapiro. 15 Ang kaniyang mga binti ay mga poste na marmol, nakalagay sa mga patungan ng dalisay na ginto; ang kaniyang mukha ay katulad ng Lebanon, pinili gaya ng mga cedar 16 Ang kaniyang bibig ay napakatamis; siya ay ganap na kaibig-ibig. Ito ang aking minamahal, at ito ang aking kaibigan, mga anak na babae ng mga lalaki sa Jerusalem.

Chapter 6

1 Saang direksyon nagpunta ang iyong minamahal, pinakamaganda sa lahat ng babae? Sa anong direksiyon nagpunta ang iyong minamahal, sa gayon hahanapin namin siya para sa iyo? Nagsasalita ang dalaga sa kaniyang sarili. 2 Ang aking minamahal ay bumaba sa kaniyang hardin, sa mga nakatanim na mga sangkap ng pabango, para manginain sa hardin at magtipon ng mga liryo. 3 Pag-aari ako ng aking mangingibig, at pag-aari ko ang aking mangingibig; nanginginain siya sa mga liryo na may kasiyahan. Ang mangingibig ng babae ay nagsasalita sa kaniya sarili. 4 Kasing ganda mo ang Tirsa, aking mahal, kasing kaibig-ibig tulad ng Jerusalem, kahanga-hanga katulad ng isang hukbo na may mga bandera. 5 Ilayo mo ang iyong paningin mula sa akin, dahil ako ay nadadaig ng mga ito. Ang iyong buhok ay tulad ng isang kawan ng mga kambing na bumababa mula sa mga libis ng Bundok ng Galaad. 6 Ang mga ngipin mo ay katulad ng kawan ng mga babaeng tupa na umaahon mula sa lugar na pinagliguan ng mga ito. Bawa't isa ay may kakambal, at wala isa man sa kanila ang namatayan. 7 Ang mga pisngi mo ay tulad ng kabiyak na granada sa likuran ng iyong belo. Ang mangingibig ng babae ay nagsasalita sa kaniyang sarili. 8 Mayroong animnapung reyna, walumpung babaeng kinakasama ng hari, at mga dalaga na hindi mabilang. 9 Ang aking kalapati, aking dalisay, ay nag-iisa lamang; siya ang natatanging anak na babae ng kaniyang ina; siya ang nag-iisang paborito ng babae na nag-silang sa kaniya. Ang mga anak na babae ng mga kababayan ko ay nakita siya at tinawag siyang pinagpala; nakita rin siya ng mga reyna at ng mga babaeng kinakasama ng hari, at siya ay pinuri nila: Ano ang sinabi ng mga reyna at ng mga babaeng kinakasama ng hari 10 "Sino ito na lumilitaw katulad ng bukang-liwayway, kasing ganda ng buwan, kasing liwanag ng araw, na kahanga-hanga tulad ng isang hukbo na may mga bandera nito?" Ang mangingibig ng babae ay nagsasalita sa kaniyang sarili. 11 Bumaba ako sa mga kahuyan ng mga puno ng pili para tingnan ang murang usbong sa lambak, para tingnan kung sumibol ang mga puno ng ubas, at kung namulaklak ang mga bunga ng granada. 12 Napakasaya ko na maramdamang nakasakay ako sa karwahe ng isang prinsipe. Ang mangingibig ng babae ay nagsasalita sa kaniyang sarili. 13 Magbalik ka, bumalik ka, ikaw na babaeng walang kapintasan; magbalik ka, magbalik para ikaw ay aking mapagmasdan. Nagsasalita ang dalaga sa kaniyang mangingibig. Bakit ka nakatitig sa akin, babaeng walang kapintasan, na parang sumasayaw ako sa pagitan ng dalawang hanay ng mga mananayaw?

Chapter 7

1 Kay ganda ng iyong mga paa sa iyong sandalyas, anak na babae ng prinsipe! Ang hugis ng iyong mga hita ay katulad ng hiyas, gawa ng mga kamay ng isang dalubhasa. 2 Ang pusod mo ay katulad ng isang bilugang mangkok; nawa ito ay hindi kailanman magkukulang ng pinaghalong alak. Ang puson mo ay tulad ng isang tambak ng trigo na napaligiran ng mga liryo. 3 Ang dalawang dibdib mo ay tulad ng dalawang munting mga usa, magkakambal na gasel. 4 Ang iyong leeg ay tulad ng isang tore ng garing; ang iyong mga mata ay tulad ng mga lawa sa Hesbon sa tarangkahan ng Bat Rabim. Ang iyong ilong ay tulad ng tore sa Lebanon na nakamasid patungo sa Damasco. 5 Parang bundok ng Carmelo ang iyong ulo; ang buhok sa iyong ulo ay itim na lila. Ang hari ay nabihag sa pamamagitan ng mga tirintas nito. 6 Kay ganda at kaibig-ibig mo, nag-iisang minamahal, kasama ang iyong kagalakan! 7 Ang iyong taas ay katulad ng isang puno ng palmang datiles, at ang mga dibdib mo ay tulad ng mga kumpol na bunga. 8 Iniisip ko, "Nais kong akyatin ang punong palmang iyon; Ako ay hahawak sa mga sanga nito." Nawa maging katulad ng kumpol na mga ubas ang iyong mga dibdib, at nawa ang halimuyak ng iyong ilong ay maging katulad ng mga aprikot. 9 Nawa ang iyong bibig ay maging katulad ng pinakamasarap na alak, banayad na dumadaloy sa aking minamahal, dumudulas sa ating mga labi at mga ngipin. Ang dalaga ay nagsasalita sa kaniyang mangingibig. 10 Ako ay sa aking minamahal, at ninanais niya ako. 11 Lumapit ka, aking minamahal, lumabas tayo sa kabukiran; hayaan nating magpalipas ng gabi sa mga nayon. 12 Halina tayo ay bumangon ng maaga para magtungo sa mga ubasan; tingnan natin kung umusbong ang mga puno ng ubas, kung ang kanilang mga bulaklak ay namukadkad, at kung ang bunga ng granada ay namulaklak. Doon ibibigay ko sa iyo ang aking pag-ibig. 13 Nagbibigay ng kanilang halimuyak ang mga mandragora; sa pintuan kung saan tayo nananatili ay may mga uri lahat ng piling mga bunga, bago at luma, na aking inimbak para sa iyo, aking minamahal.

Chapter 8

1 Hinahangad kong maging tulad ka ng aking kapatid na lalaki, na sumuso sa dibdib ng aking ina. At, sa tuwing nakikita kita sa labas, mahahalikan kita, at walang maaaring humamak sa akin. 2 Pangungunahan kita at dadalhin kita sa bahay ng aking ina, at ako ay tuturuan mo. Bibigyan kita ng alak na hinaluan ng pampalasa para inumin at kaunting katas ng aking mga bunga na granada. Ang dalagang babae ay nagsasalita sa kaniyang sarili. 3 Hinahawakan ng kaniyang kaliwang kamay ang aking ulo; niyayapos niya ako ng kaniyang kanang kamay. Ang babae ay nagsasalita sa ibang kababaihan. 4 Nais kong manumpa kayo, mga anak na babae ng kalalakihan ng Jerusalem, na hindi ninyo gagambalain ang aming pagtatalik hanggang ito ay matapos. Ang mga kababaihan ng Jerusalem ay nagsasalita 5 Sino ito na dumarating mula sa ilang, na sumasandal sa kaniyang minamahal? Ang dalaga ay nagsasalita sa kaniyang mangingibig ginising kita sa ilalim ng puno ng aprikot kung saan ipinagbuntis ka ng iyong ina, kung saan ka niya isinilang. 6 Ilagay mo ako bilang isang tatak sa iyong puso, katulad ng isang selyo sa iyong bisig, dahil ang pag-ibig ay kasing lakas tulad ng kamatayan. Ang madamdaming debosyon ay tulad ng pagpupumilit ng sheol; ang mga apoy nito ay lumalagablab; ito ay isang nagliliyab na apoy, isang apoy na mas mainit kaysa sa anumang apoy. 7 Hindi kayang pawiin ng mga tubig na dumadaluyong ang pag-ibig, kahit mga baha ay hindi kayang tangayin nito. Kung ibinigay ng isang lalaki ang lahat ng mga pag-aari sa kaniyang tahanan para sa pag-ibig, ang inaalok niya ay maaaring lubos na hamakin. Ang mga kapatid na lalaki ng dalagang babae ay nagsasalita sa kanilang mga sarili. 8 Kami ay mayroong isang batang kapatid na babae, at hindi pa lumalaki ang kaniyang mga dibdib. Ano ang magagawa namin para sa aming kapatid na babae sa araw na siya ay ipapangakong ikakasal? 9 Kung siya ay isang pader, magtatayo kami sa kaniya ng isang tore na pilak. Kung siya ay isang pintuan, siya ay aming pagagandahin na may mga tabla ng cedar. Ang dalaga ay nagsasalita sa kaniyang sarili. 10 Ako ay isang pader, pero ang dibdib ko ay katulad ng kuta ng mga tore; kaya ako ay ganap ng hinog sa kaniyang paningin. Ang dalaga ay nagsasalita sa kaniyang sarili. 11 May isang ubasan si Solomon sa Baal Hamon; pinaupahan niya ang ubasan sa mga nais mag-alaga nito. Bawa't isa ay magdadala ng isang libong halaga ng pilak para sa bunga nito. 12 Ang aking ubasan ay talagang akin; ang libong pera ay iyong pag-aari, minamahal kong Solomon, at ang dalawang daang pera ay para sa mga nag-aalaga para sa bunga nito. Ang kasintahan ng babae ay nagsasalita sa kaniya 13 Ikaw na naninirahan sa mga hardin, ang aking mga kasama ay nakikinig sa iyong tinig; hayaan mong ako ay makarinig din nito. Ang dalaga ay nagsasalita sa kaniyang kasintahan 14 Magmadali ka, aking minamahal, at maging katulad ng isang gasel o isang batang usang barako sa mga bundok ng mga sangkap ng pabango.