Tagalog: Tagalog Unlocked Literal Bible

Updated ? hours ago # views See on DCS Draft Material

Mga Kawikaan

Chapter 1

1 Ang kawikaan ni Solomon na anak na lalaki ni David, ang hari ng Israel. 2 Ang mga kawikaan na ito ay para magturo ng karunungan at tagubilin, para magturo ng mga salita ng kaalaman, 3 upang kayo ay makatanggap nang pagtutuwid para mamuhay kayo sa paggawa ng kung ano ang tama, makatarungan at patas. 4 Ang mga kawikaan ay para din magbigay ng karunungan sa mga hindi pa naituro at para magbigay kaalaman at mabuting pagpapasya sa mga kabataan. 5 Hayaan ang mga matatalinong tao na makinig at dagdagan ang kanilang nalalaman, at hayaan ang mga nakakaintinding tao na makakuha ng patnubay, 6 para maunawaan ang mga kawikaan, mga kasabihan, at mga salita ng matatalinong tao at kanilang mga palaisipan. 7 Ang pagkatakot kay Yahweh ay ang simula ng kaalaman - ang mga hangal ay kinamumuhian ang karunungan at disiplina. 8 Aking anak, pakinggan ang tagubilin ng iyong ama at huwag isang tabi ang mga utos ng iyong ina; 9 ito ay magiging kaaya-ayang korona sa iyong ulo at mga palawit sa iyong leeg. 10 Aking anak, kung sinusubukan kang udyukan ng mga makasalanan sa kanilang mga pagkakasala, tumangging sumunod sa kanila. 11 Kung kanilang sasabihin na, "Sumama ka sa amin, tayo ay mag-abang upang makagawa ng pagpatay, tayo ay magtago at sugurin ang mga walang malay na mga tao ng walang kadahilanan. 12 Lunukin natin sila ng buhay, katulad ng paglayo ng sheol sa mga malulusog at gawin silang katulad ng mga nahulog sa hukay. 13 Dapat nating hanapin ang lahat ng klaseng mga mahahalagang bagay; pupunuin natin ang ating tahanan ng mga bagay na ating ninakaw sa iba, 14 Makipagsapalaran ka sa amin, tayo ay magkakaroon ng iisang lalagyanan." 15 Aking anak, huwag kang maglalakad sa daanang iyon kasama nila; huwag mong hayaang dumampi ang iyong paa kung saan sila naglalakad; 16 ang kanilang mga paa ay tumatakbo sa kasamaan at sila ay nagmamadali para sa pagdanak ng dugo. 17 Sapagkat walang saysay na ikalat ang lambat upang bumitag ng isang ibon habang nanonood ang ibon. 18 Ang mga lalaking ito ay nag-aabang para patayin ang kanilang mga sarili - sila ay naglagay ng bitag para sa kanilang mga sarili. 19 Ganoon din ang mga paraan ng lahat na nagtamo ng kayaman sa pamamagitan ng hindi makatarungan; ang hindi makatuwirang pagtamo ay nag-aalis ng buhay sa mga kumakapit dito. 20 Umiiyak ng malakas sa lansangan ang karunungan, kaniyang nilalakasan ang kaniyang boses sa isang liwasang-bayan, 21 sa gitna ng maingay na lansangan siya ay umiyak, sa pasukan ng lungsod ng tarangkahan siya ay nagsalita. 22 "Kayong mga walang karunungan, Gaano katagal ninyo mamahalin ang inyong hindi naiintindihan? Kayong mga nangungutya, gaano kayo katagal magalak sa pangungutya at kayong mga hangal, gaano kayo katagal mamumuhi sa kaalaman? 23 Bigyang pansin ang aking paninita; ibubuhos ko ang aking saloobin sa inyo, ipapaalam ko ang salita ko sa inyo. 24 Ako ay tumawag, at kayo ay tumangging makinig; inaabot ko sila ng aking kamay, ngunit walang nagbigay pansin. 25 Ngunit isinawalang bahala ninyo ang aking mga bilin at hindi ninyo binigyan ng pansin ang aking pagsasaway. 26 Tatawanan ko kayo sa inyong kapamahakan, kukutyain ko kayo kapag dumating ang malaking takot — 27 kapag dumating ang inyong kinakatakutang pangamba tulad ng bagyo at tinangay kayo ng sakuna na parang buhawi, kapag ang kabalisahan at dalamhati ay dumating sa inyo. 28 Pagkatapos sila ay tatawag sa akin at hindi ako sasagot; desperado silang tatawag sa akin, ngunit hindi nila ako mahahanap. 29 Dahil kanilang kinapopootan ang karunungan at hindi pinili ang pagkatakot kay Yahweh, 30 hindi nila susundin ang aking tagubilin, at kanilang kinamuhian ang aking mga pagtatama. 31 Kakainin nila ang bunga sa kanilang pamamaraan, at sa bunga ng kanilang mga balak sila ay maaaring mabusog. 32 Ang mga hindi naturuan ay pinapatay kapag sila ay umalis, at ang kakulangan ng mga hangal ang sisira sa kanila. 33 Pero ang sinumang makikinig sa akin ay mamumuhay nang ligtas at magtatamo ng walang pagkatakot sa mga sakuna."

Chapter 2

1 Anak, kung tatanggapin mo ang aking mga salita at paka-ingatan ang aking mga kautusan, 2 makinig sa karunungan at itutuon mo ang iyong puso sa pang-unawa. 3 Kung ikaw ay magmakaawa para sa kaunawaan at sumigaw para dito, 4 kung hahanapin mo ito kagaya ng paghahanap ng pilak at hahanapin mo ang pang-unawa kagaya ng paghahanap mo ng mga nakatagong kayamanan, 5 saka mo mauunawaan ang pagkatakot kay Yahweh at matatagpuan mo ang kaalaman ng Diyos. 6 Sapagkat si Yahweh ang nagbibigay ng karunungan, mula sa kanyang bibig nanggagaling ang kaalaman at kaunawaan. 7 Nag-iimbak siya ng tamang karunungan para sa mga taong nagbibigay kaluguran sa kanya, siya ay kalasag para sa mga lumalakad na may katapatan 8 binabantayan niya ang mga daan ng katarungan at pananatilihin niya ang landas ng mga tapat sa kanya. 9 Pagkatapos ay mauuunawaan mo ang katuwiran, katarungan, pagkamakatao at bawat mabuting landas. 10 Sapagkat ang karunungan ay darating sa iyong puso, at ang kaalaman ay magiging kalugod-lugod sa iyong kaluluwa. 11 Ang mabuting pagpapasya ang magmamasid sa iyo, at pang-unawa ang magbabantay sa iyo. 12 Sila ang sasagip sa iyo sa daan ng masama, mula sa mga taong nagsasalita ng masasamang bagay, 13 silang mga tumalikod sa mga tamang landas at lumakad sa mga pamamaraan nang kadiliman. 14 Sila ay nagagalak kapag gumagawa ng kasamaan at nagagalak sa katiwalian ng kasamaan. 15 Sila ay sumusunod sa mga maling landas, at gumagamit nang pandaraya para itago ang kanilang pinagdaanan. 16 Ang karunungan at mabuting pagpapasya ang magliligtas sa iyo mula sa imoral na babae, mula sa babaeng naghahanap ng pakikipagsapalaran at sa kanyang mga matatamis na pananalita. 17 Siya ay tumalikod sa kasamahan ng kaniyang kabataan at nakalimutan ang tipan ng kaniyang Diyos. 18 Dahil ang kaniyang tahanan ay sumasamba sa kamatayan at ang kaniyang mga landas ang maghahatid sa iyo doon sa mga nasa libingan. 19 Lahat nang pumupunta sa kaniya ay hindi makakabalik muli at hindi na matatagpuan ang landas ng buhay. 20 Kaya ikaw ay lalakad sa daan ng mga mabubuting tao at sundin ang mga landas ng mga matutuwid. 21 Magtatayo ng tahanan sa lupain ang mga gumagawa ng mabuti, at mananatili doon ang namumuhay nang may katapatan. 22 Ngunit puputulin sa lupain ang mga masasama, at ang hindi tapat ay aalisin mula rito.

Chapter 3

1 Aking anak, huwag kalimutan ang aking mga utos, at isapuso ang aking mga katuruan, 2 dahil ang haba ng mga araw at mga taon ng buhay at kapayapaan ang idadagdag ng mga ito sa iyo. 3 Huwag hayaang lisanin ka ng pagiging tapat sa tipan at pagiging katiwa-tiwala, itali ito ng magkasama sa iyong leeg, isulat ito sa kaloob-looban ng iyong puso. 4 Pagkatapos ikaw ay makakahanap ng pabor at mabuting reputasyon sa paningin ng Diyos at ng tao. 5 Magtiwala kay Yahweh ng buong puso at huwag umasa sa sarili mong pang-unawa; 6 sa lahat ng iyong ginagawa ay kilalanin siya at gagawin niyang matuwid ang iyong mga landas. 7 Huwag maging marunong sa iyong sariling mga mata; matakot kay Yahweh at talikuran ang kasamaan. 8 Ito ay kagalingan sa iyong laman at inuming makapagpanibagong sigla para sa iyong katawan. 9 Parangalan si Yahweh ng iyong kayamanan at ng mga unang bunga ng lahat ng iyong ani, 10 at ang iyong mga kamalig ay mapupuno at ang iyong mga bariles ay aapaw, puno ng bagong alak. 11 Aking anak, huwag hamakin ang disiplina ni Yahweh at huwag mapoot sa kaniyang pagsaway, 12 dahil dinidisiplina ni Yahweh ang kaniyang mga minamahal, katulad ng pakikitungo ng ama sa kaniyang anak na nakalulugod sa kaniya. 13 Siya na nakasusumpong ng karunungan ay masaya, siya din ay nakakuha ng kaunawaan. 14 Ang matatamo ninyo sa karunungan ay mas mabuti kaysa sa maibibigay ng pilak at ang pakinabang ay mas mabuti kaysa sa ginto. 15 Ang karunungan ay mas mahalaga kaysa sa mga hiyas at wala sa mga ninanais mo ang maikukumpara sa kaniya. 16 Mayroon siyang haba ng mga araw sa kaniyang kanang kamay; sa kaniyang kaliwang kamay ay mga kayamanan at karangalan. 17 Ang kaniyang mga daan ay mga daan ng kabaitan at lahat ng kaniyang mga landas ay kapayapaan. 18 Siya ay isang puno ng buhay sa mga humahawak dito, ang mga kumakapit dito ay masasaya. 19 Sa pamamagitan ng karunungan itinatag ni Yahweh ang mundo, sa pamamagitan ng pang-unawa itinayo niya ang kalangitan. 20 Sa pamamagitan ng kaniyang kaalaman, ang mga kailaliman ay bumukas at ibinagsak ng mga ulap ang kanilang hamog. 21 Aking anak, panatilihin ang mahusay na pagpapasya at talas ng pag-iisip, at huwag mawala ang paningin sa mga ito. 22 Ang mga ito ay buhay sa iyong kaluluwa at isang palamuti ng pabor para isuot sa iyong leeg. 23 Pagkatapos ikaw ay lalakad sa iyong daan sa kaligtasan at ang iyong paa ay hindi madarapa; 24 kapag ikaw ay humiga, hindi ka matatakot; kapag ikaw ay humiga, ang iyong tulog ay magiging mahimbing. 25 Huwag matakot sa biglaang pagkakilabot o pagkawasak na idinulot ng mga masasama, kapag dumating ang mga ito, 26 dahil si Yahweh ay nasa iyong tabi at iingatan ang iyong paa na huwag mahuli sa bitag. 27 Huwag ipagkait ang mabuti sa mga karapat-dapat dito, kapag nasa iyong kapangyarihan upang kumilos. 28 Huwag sabihin sa iyong kapwa, "pumunta ka, at bumalik muli at bukas ibibigay ko ito," kapag ang pera ay nasa iyo. 29 Huwag gumawa ng plano para makasakit ng iyong kapwa— siya na nakatira sa malapit at nagtitiwala sa iyo. 30 Huwag makipagtalo sa isang tao ng walang dahilan, kapag wala siyang ginawa para saktan ka. 31 Huwag kainggitan ang isang marahas na tao o piliin ang kahit na ano sa kaniyang mga paraan. 32 Dahil ang sinungaling na tao ay kasuklam-suklam kay Yahweh, nguniit dinadala niya ang matuwid na tao sa kaniyang pagtitiwala. 33 Ang sumpa ni Yahweh ay nasa tahanan ng masasamang tao, ngunit pinagpapala niya ang tahanan ng mga matuwid. 34 Kinukutya niya ang mga nangungutya, ngunit ibinibigay niya ang kaniyang pabor sa mga taong may mababang loob. 35 Ang mga marurunong na tao ay nagmamana nang karangalan, ngunit ang mga hangal ay iaangat sa kanilang kahihiyan.

Chapter 4

1 Makinig, mga anak na lalaki, sa tagubilin ng ama, at bigyang pansin para malaman ninyo kung ano ang pang-unawa. 2 Ibinibigay ko sa inyo ang mga mabuting tagubilin; huwag ninyong pabayaan ang aking katuruan. 3 Nung ako ay anak na lalaki ng aking ama at tanging anak ng aking ina, 4 tinuruan niya ako at sinabi sa akin, "Panghawakan mong mabuti sa iyong puso ang aking mga salita; panatilihin ang aking mga utos at ipamuhay. 5 Pagsumikapan na magkaroon ng karunungan at kaunawaan; huwag kalilimutan at huwag tatanggihan ang mga salita sa aking bibig; 6 huwag iiwanan ang karunungan at ikaw ay kaniyang babantayan; mahalin mo ito at pananatilihin kang ligtas. 7 Ang karunungan ay ang pinakamahalagang bagay, kaya pagsumikapan ang karunungan at gamitin lahat ng mayroon ka para ikaw ay maaaring makakuha nang pang-unawa. 8 Pahalagahan ang karunungan at ikaw ay kaniyang itataas; pararangalan ka kapag niyakap mo ito. 9 Ito ay maglalagay ng isang korona ng karangalan sa iyong ulo; bibigyan ka nito ng isang magandang korona." 10 Makinig, aking anak, at pansinin ang aking mga salita, at ikaw ay magkakaroon ng maraming mga taon sa iyong buhay. 11 Papatnubayan kita sa daan ng karunungan; pangungunahan kita sa matuwid na mga landas. 12 Kapag ikaw ay lumalakad, walang hahadlang sa iyong daanan at kapag ikaw ay tatakbo, hindi ka matitisod. 13 Kumapit ka sa disiplina, huwag itong bibitawan; bantayan ito, dahil ito ay iyong buhay. 14 Huwag sumunod sa landas ng masama at huwag sumama sa kaparaanan ng mga gumagawa ng masama. 15 Iwasan ito, ito ay huwag magpatuloy; tumalikod mula dito at tumungo sa ibang daan. 16 Dahil hindi sila nakakatulog hanggang sila ay makagawa ng masama at nanakawan sila ng tulog hanggang sila ay magdulot ng pagkatisod ng isang tao. 17 Dahil sila ay kumakain ng tinapay ng kasamaan at iniinom ang alak ng karahasan. 18 Ngunit ang landas ng isang tao na gumagawa ng matuwid ay katulad ng unang liwanag na patuloy na nagliliwanag; ito ay lalong nagliliwanag hanggang sa kapunuan ng araw ay dumating. 19 Ang daan ng masama ay katulad ng kadiliman- hindi nila alam kung ano itong kanilang kinatitisuran. 20 Aking anak na lalaki, bigyang pansin ang aking mga salita; makinig sa aking mga kasabihan. 21 Huwag hayaan silang malayo mula sa iyong paningin; panatilihin sila sa iyong puso. 22 Dahil ang aking mga salita ay buhay sa mga nakakatagpo sa kanila at kalusugan sa kanilang buong katawan. 23 Panatilihing ligtas ang iyong puso at bantayan ito nang may buong sigasig, dahil mula dito dumadaloy ang mga bukal ng buhay. 24 Ilayo ang baluktot na pananalita mula sa iyo at ilayo ang maruruming salita mula sa iyo. 25 Hayaan mong tumingin nang tuwid ang iyong mga mata at ipirmi ng tuwid ang iyong pagtitig sa harap mo. 26 Gumawa ng isang patag na landas para sa iyong paa; sa gayon lahat ng iyong mga daraanan ay magiging ligtas. 27 Huwag kang liliko sa kanan o sa kaliwa; ipihit ang iyong paa palayo mula sa kasamaan.

Chapter 5

1 Aking anak na lalaki, bigyang pansin ang aking karunungan; makinig mabuti sa aking kaunawaan, 2 upang ikaw ay matuto tungkol sa mabuting pagpapasya, at ang iyong mga labi ay maaaring pangalagaan ang kaalaman. 3 Sapagkat ang labi ng isang nangangalunyang babae ay dinadaluyan ng pulot, at ang kaniyang bibig ay mas madulas kaysa sa langis, 4 pero sa huli siya ay katulad ng halamang mapait, humihiwa tulad ng isang matalim na espada. 5 Ang kaniyang mga paa ay humahakbang papunta sa kamatayan; at tumutungo papunta sa sheol. 6 Hindi niya binibigyang pansin ang landas ng buhay. Ang kaniyang mga yapak ay gumagala; hindi niya alam kung saan siya patungo. 7 At ngayon, aking mga anak, makinig sa akin; huwag tumalikod mula sa pakikinig sa mga salita ng aking bibig. 8 Lumayo kayo sa kaniyang landas, at huwag kayong lumapit sa pintuan ng kaniyang bahay. 9 Sa ganoong paraan hindi ninyo ipamimigay ang inyong karangalan sa iba o ang mga taon ng inyong buhay sa isang malupit na tao; 10 ang mga taong hindi kilala ay hindi magdiriwang sa inyong kayamanan; ang inyong pinaghirapan ay hindi mapupunta sa bahay ng mga taong hindi kilala. 11 Sa katapusan ng inyong buhay kayo ay dadaing kapag ang inyong laman at inyong katawan ay nabulok. 12 Sasabihin ninyo, "Kinapopootan ko ang disiplina at hinamak ng aking puso ang pagtatama! 13 Hindi ako sumunod sa aking mga guro o nakinig sa aking mga tagapagturo. 14 Malapit na akong ganap na masira sa gitna ng kapulungan, sa pagtitipon ng mga tao." 15 Uminom ng tubig mula sa inyong sariling sisidlan, at uminom ng bukal na tubig mula sa inyong sariling balon. 16 Dapat bang ang inyong mga bukal ay umapaw sa lahat ng dako, at ang inyong mga batis ng tubig ay umagos sa mga liwasang-bayan? 17 Hayaan na ang mga ito ay sa inyo lamang, at hindi para sa mga hindi kilalang taong kasama ninyo. 18 Nawa'y ang inyong bukal ay pagpalain, at nawa'y kayo ay magalak sa asawa sa inyong kabataan. 19 Sapagkat siya ay isang mapagmahal at kaaya-aya tulad ng usang babae. Hayaan ninyo ang kaniyang dibdib ay punuin kayo ng galak sa lahat ng panahon; laging maging bihag ng kaniyang pag-ibig. 20 Sapagkat bakit ikaw, aking anak, ay dapat na mabihag ng isang babaeng nangangalunya; bakit mo kailangang yakapin ang dibdib ng isang hindi kilalang babae? 21 Nakikita ni Yahweh ang lahat ng ginagawa ng isang tao at pinanonood ang lahat ng landas na kaniyang tinatahak. 22 Ang isang masamang tao ay mabibitag ng kaniyang sariling mga kasalanan; ang mga lubid ng kaniyang kasalanan ay pipigilan siya ng mahigpit. 23 Siya ay mamamatay dahil kulang siya ng disiplina; siya ay inililigaw ng kaniyang labis na kamangmangan.

Chapter 6

1 Anak ko, kapag ikaw ay nagtabi ng pera bilang isang pag-aako ng pagkakautang ng iyong kapit-bahay, kapag nagbigay ka ng pangako sa pagkakautang ng isang tao na hindi mo kilala, 2 kung gayon naglatag ka ng isang patibong para sa iyong sarili sa pamamagitan ng iyong pangako, at ikaw ay nahuli ng mga salita ng iyong bibig. 3 Kung gayon, anak kong lalaki, gawin mo ito at iligtas mo ang iyong sarili, dahil sa ikaw ay nasa habag ng iyong kapitbahay. Pumunta ka at magpakumbaba ka ng iyong sarili at magsumamo sa iyong kapitbahay na pakawalan ka. 4 Bigyan mo ang iyong mga mata ng walang tulog at ang iyong talukap ng walang pagkakaidlip. 5 Iligtas mo ang iyong sarili gaya ng isang usa mula sa kamay ng mangangaso, katulad ng isang ibon mula sa kamay ng tagahuli ng hayop. 6 Tingnan mo ang langgam, ikaw na tamad na tao, pagmasdan mo ang kaniyang mga pamamaraan, at maging matalino. 7 Wala siyang tagapag-utos, opisyal, o tagapamahala, 8 gayon pa man ay naghahanda siya ng pagkain sa tag-init, at habang sa pag-aani ay nagtatabi ito ng kung ano ang kakainin. 9 Gaano katagal ka matutulog, ikaw na tamad na tao? Kailan ka babangon mula sa iyong pagkatulog? 10 "Isa pang kaunting pagtulog, isa pang kaunting pagkaidlip, isa pang kaunting pagtiklop ng mga kamay upang magpahinga"— 11 at ang iyong kahirapan ay darating sa iyo gayang isang magnanakaw at ang iyong pangangailangan gaya ng isang armadong sundalo. 12 Ang isang walang kwentang tao— isang masamang tao— namumuhay sa kabaluktutan ng kaniyang salita, 13 pagkindat ng kaniyang mga mata, gumagawa ng hudyat gamit ang kaniyang mga paa, at pagturo ng kaniyang mga daliri. 14 Siya ay may balak na masama na may daya sa kaniyang puso; palagi siyang nag-uudyok ng pag-aalitan. 15 Kaya lulupigin siya sa isang iglap ng kaniyang kapahamakan; sa isang sandali siya ay masisira na higit sa kagalingan. 16 Mayroong anim na bagay na kinamumuhian ni Yahweh, pito na kasuklam-suklam sa kaniya: 17 Ang mga mata ng isang mapagmataas na tao, ang isang dila na nagsisinungaling, ang mga kamay na nagpapadanak ng dugo ng mga inosenteng tao, 18 isang puso na lumikha ng mga masasamang balakid, mga paa na mabilis tumakbo para gumawa ng masama, 19 isang saksi na nagsasabi ng mga kasinungalingan, at ang isa na siyang naghahasik ng alitan sa kaniyang mga kapatid. 20 Aking anak na lalaki, sundin mo ang utos ng iyong ama, at huwag mong talikdan ang katuruan ng iyong ina. 21 Palagi mong igapos ang mga ito sa iyong puso; itali mo ang mga ito sa iyong leeg. 22 Kapag ikaw ay lumakad, papatnubayin ka ng mga ito; kapag ikaw ay natulog, pagmamasdan ka nila; at kapag ikaw ay nagising, tuturuan ka nila. 23 Sapagkat ang mga utos ay isang ilawan, at ang katuruan ay isang liwanag; ang mga pagsaway ng disiplina ay ang mga daan ng buhay. 24 Iingatan ka nito mula sa imoral na babae, mula sa mapang-akit na mga salita ng nangangalunyang babae. 25 Huwag kang magnasa sa iyong puso sa kaniyang kagandahan, at huwag mo siyang hayaang mabihag ka ng kaniyang mga pilik mata. 26 Ang pagtulog na kasama ang isang bayarang babae ay maaaring kabayaran ng halaga ng tinapay, pero ang babaeng asawa ng iba ay maaaring kabayaran ng buhay mo mismo. 27 Kaya ba ng isang lalaki na magbitbit ng apoy sa kaniyang dibdib na hindi nasusunog ang kaniyang mga damit? 28 Kaya ba ng isang lalake na lumakad sa ibabaw ng maiinit na mga uling na hindi napapaso ang kaniyang mga paa? 29 Gayon din sa lalakeng nakikiapid sa asawang babae ng kaniyang kapwa; ang siyang natutulog kasama niya ay hindi maparusahan. 30 Hindi hinahamak ng mga tao na ang isang magnanakaw kung siya ay nagnanakaw upang mabusog sa panahong gutom siya. 31 Gayon pa man kapag siya ay nahuli, siya ay magbabayad ng pitong beses kung ano ang kaniyang ninakaw; kailangan niya isuko ang lahat ng mahahalagang bagay sa kaniyang tahanan. 32 Ang isa na nagkasala ng pangangalunya ay walang kaisipan; ang siyang gumagawa nito ay sinisira ang kaniyang sarili. 33 Sugat at kahihiyan ay nararapat sa kaniya, at ang kaniyang kasiraang puri ay hindi maaalis. 34 Dahil ang pagseselos ay ginagawang galit na galit ang isang lalaki; kapag siya ay gumanti hindi siya magpapakita ng awa. 35 wala siyang tatanggaping kabayaran, at hindi siya mabibili, kahit maghandog ka ng maraming regalo sa kaniya.

Chapter 7

1 Aking anak na lalaki, sundin ang aking mga salita at ipunin ang aking mga utos sa iyong kalooban. 2 Sundin ang aking mga utos upang mabuhay at sundin ang aking tagubilin tulad ng mansanas sa iyong paningin. 3 Itali ang mga ito sa iyong mga daliri; isulat ang mga ito sa talaan ng iyong puso. 4 Sabihin sa karunungan, "Ikaw ang aking kapatid na babae," at tawagin ang kaunawaan na inyong kamag-anak, 5 upang ikaw ay ilayo mula sa mapanuksong babae, mula sa babaeng mapangalunya kasama ng kaniyang mapang-akit na mga salita. 6 Sa bintana ng aking bahay ay tumitingin ako sa pamamagitan ng dungawan 7 at aking nakita ang karamihan ng batang lalaki na hindi pa natuturuan. Nakita ko sa karamihan ng kabataan ang isang batang lalaking na wala sa kaisipan. 8 Ang batang lalaking iyon ay naglalakad sa kalye malapit sa sulok ng kaniyang kalye at siya ay tumuloy patungo sa kaniyang bahay— 9 iyon ay takip-silim, sa gabi ng araw na iyon, sa oras ng gabi at kadiliman. 10 At doon kinatagpo siya ng isang babae, nakadamit tulad ng isang bayarang babae at alam niya kung bakit siya naroon. 11 Siya ay maingay at magulo, ang kaniyang mga paa ay hindi mapanatili sa tahanan— 12 ngayon nasa mga kalye, ngayon nasa pamilihan, at bawat sulok siya ay nag-aabang. 13 Kaya siya ay hinawakan niya at pinaghahalikan, na may katapangang mukha, sinabi niya sa kaniya, 14 natupad ko ang handog ng kapayapaan ngayon, naibigay ko ang aking mga panata, 15 kaya lumabas ako para makita ka, kinasasabikan ko na makita ang iyong mukha, at ikaw ay aking natagpuan. 16 Inilatag ko ang mga panakip sa aking higaan, mga linong makukulay mula sa Egipto. 17 Pinabanguhan ko ang aking higaan ng mira, mga aloe, at kanela. 18 Halina't, hayaang umapaw ang ating pagmamahalan hanggang umaga; hayaan nating makakuha tayo ng labis na ligaya sa iba't ibang gawi ng pagtatalik. 19 Ang aking asawa ay wala sa bahay; siya ay nasa malayo sa isang matagal na paglalakbay. 20 May dala siyang isang supot ng pera sa kaniya; siya ay babalik sa araw ng kabilugan ng buwan." 21 Sa kaniyang mapang-akit na salita ay hinihikayat siya, at sa kaniyang mahusay na pagsasalita siya ay mapipilit niya. 22 Sumunod siya sa kaniya na tulad ng isang bakang lalaki na papunta sa katayan, o tulad ng isang usa na nahuli sa isang patibong 23 hanggang ang isang palaso ay tumatagos sa kaniyang atay-- o katulad ng ibong sumusugod sa isang patibong, hindi alam na ito ang magiging kabayaran ng kaniyang buhay. 24 At ngayon, ang aking mga anak na lalaki, makinig sa akin; bigyang pansin kung ano ang aking sinasabi. 25 Huwag ninyong hayaan ang inyong puso na lumihis sa kaniyang mga kaparaanan; huwag maligaw sa kaniyang mga landas. 26 Maraming biktima ang nadala niya pababa; hindi sila mabilang. 27 Ang kaniyang bahay ay daan patungo sa sheol; ito ay patungo pababa sa mga silid ng kamatayan.

Chapter 8

1 Hindi ba nananawagan ang Karunungan? Hindi ba itinataas ng Pang-unawa ang kaniyang tinig? 2 Sa mga taluktok ng bundok sa tabi ng daan, sa mga daang nagsasalubong, ang Karunungan ay naninindigan. 3 Sa tabi ng mga pasukan sa lungsod, malapit sa tarangkahan ng mga lungsod, siya ay nananawagan. 4 Mga mamamayan, tinatawag ko kayo at itinataas ko ang aking tinig sa mga anak ng sangkatauhan. 5 Kayong mga hindi naturuan, dapat ninyong maintindihan ang katalinuhan at kayong kinasusuklaman ang kaalaman, kayo ay dapat magkaroon ng isang maunawaing puso. 6 Makinig kayo at magsasalita ako ng mga mararangal na bagay at kapag bumuka ang aking mga bibig ay sasabihin ko kung ano ang tama— 7 dahil ang aking bibig ay nagsasalita kung ano ang mapagkakatiwalan, at ang aking mga labi ay napopoot sa kasamaan. 8 Lahat ng mga salita sa aking bibig ay makatarungan; walang baluktot at nakaliligaw sa kanila. 9 Ang lahat ng aking mga salita ay matuwid para sa nakakaunawa; ang mga salita ko ay matuwid sa mga nakatatagpo ng kaalaman. 10 Piliin ninyo ang aking katuruan kaysa sa pilak at kaalaman kaysa purong ginto. 11 Dahil ako, ang Karunungan, ay mas mabuti kaysa sa mga hiyas; wala sa inyong ninanais ang maaaring maihalintulad sa akin. 12 Ako, ang Karunungan, ay namumuhay nang may Kabaitan, at aking taglay ang kaalaman at kahinahunan. 13 Ang pagkatakot kay Yahweh ay para kapootan ang kasamaan -- kinapopootan ko ang pagmamataas at kayabangan, ang masamang paraan, at malaswang pananalita -- kinapopootan ko sila. 14 Mayroon akong mabuting payo at maayos na karunungan; mayroon akong mahusay na pananaw, at taglay ko ang kalakasan. 15 Sa pamamagitan ko, ang mga hari ay naghahari—pati na taong mararangal, at lahat ng mga namumuno ng makatarungan. 16 Sa pamamagitan ko, ang mga prinsipe ay naghahari at ang mga mararangal at lahat ng namamahala nang may katarungan. 17 Mahal ko silang mga nagmamahal sa akin, at silang mga masisipag na humahanap sa akin ay matatagpuan ako. 18 Nasa akin ang mga kasaganaan at karangalan, walang maliw na kayamanan at katuwiran. 19 Ang aking bunga ay mas mabuti pa kaysa ginto, mas mabuti pa kahit sa pinong ginto; ang aking ibinibigay ay mas mabuti pa sa purong pilak. 20 Lumalakad ako sa daan na matuwid, sa mga landas na patungo sa katarungan, 21 para makapagbigay ako ng pamana sa mga nagmamahal sa akin at punuin ang kanilang mga imbakan ng yaman. 22 Nilikha ako ni Yahweh mula pa noong pasimula -- ang una sa kaniyang mga ginawa noong unang panahon. 23 Mula pa noong unang panahon, inilagay na ako sa pagkalalagyan—mula ng una, mula pa sa pasimula ng mundo. 24 Bago pa magkaroon ng mga karagatan, ako ay isinilang na—bago pa magkaroon ng mga bukal na may masaganang tubig, bago pa ilagay ang mga bundok, 25 at bago pa ang mga burol, ako ay ipinanganak na. 26 Ipinanganak na ako bago pa likhain ni Yahweh ang lupa o mga bukirin, o kahit ang unang alikabok sa mundo. 27 Naroon na ako nang naitatag niya ang kalangitan, nang kaniyang ginuhit ang hangganan sa ibabaw ng kailaliman. 28 Naroon na ako nang naitatag niya ang mga kalangitan sa itaas at nang ginawa niya ang mga bukal sa kalaliman. 29 Naroon na ako nang ginawa niya ang hangganan para sa dagat, kaya ang katubigan ay hindi kumalat lagpas kung saan niya iniutos, at kung saan niya inutos ilagay ang mga pundasyon ng lupa. 30 Ako ay nasa tabi niya, bilang isang dalubhasang manggagawa, at ako ang kanyang kasiyahan sa araw araw, laging nagagalak sa harap niya. 31 Nagagalak ako sa kanyang buong daigdig, at ang kasiyahan ko ay nasa sangkatauhan. 32 At ngayon, aking mga anak na lalaki, makinig kayo sa akin, dahil silang mga nananatili sa aking mga pamamaraan ay magiging masaya. 33 Makinig kayo sa aking katuruan at maging marunong; huwag kaligtaan ito. 34 Ang siyang nakikinig sa akin ay magiging masaya -- nagmamasid bawat araw sa aking mga tarangkahan, naghihintay sa akin sa tabi ng mga pintuan ng aking tahanan. 35 Dahil ang sinumang nakakatagpo sa akin ay nakakatagpo ng buhay, at matatagpuan niya ang kagandahang loob ni Yahweh. 36 Pero siya na nabibigong matagpuan ako ay pinapahamak ang kaniyang sarili; ang lahat ng namumuhi sa akin ay umiibig sa kamatayan."

Chapter 9

1 Ang karunungan ay nagtayo ng kaniyang tahanan; nag-ukit siya ng pitong mga poste mula sa bato. 2 Hinanda niya ang mga karne niya para ihain sa hapunan; hinalo niya ang kaniyang alak; at inihanda niya ang kaniyang hapag-kainan. 3 Nagpadala siya ng mga paanyaya kasama ang mga lingkod niyang babae at tumatawag siya mula sa pinakamataas na dako ng lungsod: 4 "Hayaan ang mga hindi naturuan na lumapit dito!" sinasabi niya roon sa mga walang alam. 5 "Lumapit kayo, kainin ninyo ang aking pagkain, at inumin ang alak na aking hinalo. 6 Iwanan na ninyo ang mga kaparaanan ng kamangmangan upang kayo ay mabuhay; lumakad sa daan ng pang-unawa. 7 Kung sinuman ang magtama ng mangungutya ay nag-aanyaya ng pag-abuso, at kung sinuman ang magtuwid ng masamang tao ay masasaktan. 8 Huwag sawayin ang mangungutya, o kamumuhian ka niya; magtuwid ng matalinong tao, at mamahalin ka niya. 9 Magbigay ng gabay sa matalinong tao, at siya ay magiging mas matalino; turuan ang matuwid na tao, at dadagdag ang kaniyang pagkatuto. 10 Ang takot kay Yahweh ang simula ng karunungan, at ang kaalaman sa Isang Banal ay kaunawaan. 11 Dahil sa pamamagitan ko ang mga araw mo ay dadami, at dadagdag ang taon ng buhay mo. 12 Kung matalino ka, matalino ka para sa sarili mo, pero kung mangungutya ka, dadalhin mo ito nang mag-isa." 13 Ang isang mangmang na babae ay maingay— hindi siya naturuan at wala siyang alam. 14 Nauupo siya sa pinto ng bahay niya, sa upuan ng pinakamataas na lugar ng bayan. 15 Tinatawag niya ang mga taong dumadaan, ang mga taong naglalakad ng tuwid sa kanilang daan. 16 "Hayaan ang mga hindi naturuan na lumapit dito" sinasabi niya doon sa mga walang alam. 17 "Ang ninakaw na tubig ay matamis, at ang tinapay na kinain ng palihim ay kaaya-aya." 18 Pero hindi niya alam na nandoon ang mga patay, na ang mga panauhin niya ay nasa kailaliman ng sheol.

Chapter 10

1 Ang mga kawikaan ni Solomon. Ang isang marunong na anak ay ikinagagalak ng kaniyang ama ngunit ang isang hangal na anak ay nagdadala ng pighati sa kaniyang ina. 2 Ang mga yamang naipon sa pamamagitan ng kasamaan ay walang halaga, ngunit ang paggawa ng kung ano ang tama ay naglalayo sa kamatayan. 3 Hindi hinahayaan ni Yahweh na magutom ang mga gumagawa ng masama, ngunit kaniyang binibigo ang mga pagnanasa ng masama. 4 Ang kamay na tamad ay nagdudulot sa isang tao para maging mahirap, ngunit ang kamay ng masipag na tao ay magtatamo ng kayamanan. 5 Ang marunong na anak ay magtitipon ng pananim sa tag-araw, ngunit kahihiyan sa kaniya para matulog habang anihan. 6 Ang mga kaloob mula sa Diyos ay nasa isipan ng mga gumagawa ng tama, ngunit ang bibig ng masama ay pinagtatakpan ang karahasan. 7 Ang taong gumagawa ng tama ay natutuwa tuwing siya ay ating naiisip ang tungkol sa kaniya, ngunit ang pangalan ng masama ay mabubulok. 8 Silang mga maunawain ay tumatanggap ng mga utos, ngunit ang isang madaldal na hangal ay mapapahamak. 9 Ang siyang lumalakad sa katapatan ay lumalakad sa kaligtasan, subalit ang isa na gumagawa ng kabuktutan, siya ay malalantad. 10 Siya na kumikindat ang mata ay nagdudulot ng kalungkutan, ngunit ang isang madaldal na hangal ay masisira. 11 Ang bibig ng gumagawa ng tama ay isang bukal ng buhay, ngunit ang bibig ng masama ay nagtatago ng karahasan. 12 Ang galit ay nagpapasimula ng mga kaguluhan, subalit ang pag-ibig ay matatakpan ang lahat ng pagkakasala. 13 Ang karunungan ay matatagpuan sa labi ng isang taong marunong umunawa, ngunit ang isang pamalo ay para sa likod ng isang walang pang-unawa. 14 Ang mga taong marunong ay nag-iipon ng kaalaman, ngunit ang bibig ng isang hangal ay nagpapalapit ng kapahamakan. 15 Ang kayamanan ng isang mayamang tao ay ang kaniyang pinatibay na lungsod, ang kasalatan ng mahirap ay kanilang pagkawasak. 16 Ang kabayaran ng mga gumagawa ng tama ay patungo sa buhay; ang pakinabang ng masama ay patungo sa kasalanan. 17 Doon ay may isang daan sa buhay para sa isang sumusunod sa disiplina, ngunit ang tumatanggi sa pagpuna ay inaagos sa pagkaligaw. 18 Ang sinumang magtago ng pagkagalit ay may mga sinungaling na labi, at sinumang magkalat ng paninirang puri ay isang hangal. 19 Kung maraming salita, pagkakasala ay hindi nagkukulang, ngunit ang siyang nag-iingat sa kaniyang sasabihin ay isang matalino 20 Ang dila na siyang gumagawa nang matuwid ay purong pilak; ito ay may maliit na halaga sa puso ng masama. 21 Ang mga labi ng isa na gumagawa ng tama ay nagpapalusog ng marami, ngunit ang mga mangmang ay mamamatay dahil sa kakulangan ng kanilang pang-unawa. 22 Ang mga mabuting kaloob ni Yahweh ay nagdadala ng kayamanan at hindi ito nagdagdag ng sakit. 23 Ang kasamaan ay laro ng isang hangal, ngunit ang karunungan ay isang kasiyahan para sa isang tao ng may pang-unawa. 24 Ang takot ng masama ay sasaklawan siya, ngunit ang pagnanais ng isang matuwid ay ibibigay. 25 Ang masama ay tulad ng isang bagyo na dumadaan, at sila ay wala na, ngunit silang gumagawa ng tama ay isang pundasyon na magtatagal kailanman. 26 Tulad ng suka sa ngipin at usok sa mata, ganoon din ang batugan na nagpadala sa kaniya. 27 Ang takot kay Yahweh nagpapahaba ng buhay, ngunit ang mga taon ng masama ay mapapaiksi. 28 Ang pag-asa ng mga gumagawa ng tama ay kanilang kagalakan, ngunit ang mga taon ng mga masama ay mapapaiksi. 29 Ang paraan ni Yahweh ay nag-iingat sa kanila na may katapatan, ngunit ito ay pagkawasak para sa masama. 30 Silang mga gumagawa ng tama ay hindi kailanman maibabagsak, ngunit ang masama ay hindi mananatili sa lupain. 31 Mula sa bibig ng mga gumagawa ng tama ay dumarating ang bunga ng karunungan, ngunit ang masamang dila ay mapuputol. 32 Alam ng mga labing gumagawa nang tama kung ano ang katanggap-tanggap, ngunit ang bibig ng masama ay alam kung ano ang masama

Chapter 11

1 Kinapopootan ni Yahweh ang timbangang hindi tama, ngunit siya ay nagagalak sa wastong timbang. 2 Kapag dumating ang pagmamataas, saka dumarating ang kahihiyan, pero sa kapakumbabaan dumarating ang karunungan. 3 Ang katapatan ng matuwid ay gumagabay sa kanila, pero ang mga baluktot na pamamaraan ng mga taksil ay sumisira sa kanila. 4 Ang kayamanan ay walang halaga sa araw nang matinding kapootan, pero ang paggawa ng matuwid ay maglalayo sa iyo mula sa kamatayan. 5 Ang matuwid na pag-uugali ng taong walang kapintasan ay ginagawang matuwid ang kaniyang daan, pero ang masama ay babagsak dahil sa kaniyang sariling kasamaan. 6 Ang matuwid na pag-uugali ng mga nakalulugod sa Diyos ang siyang nag-iingat sa kanila, pero ang taksil ay nabitag ng kanilang sariling mga pagnanasa. 7 Kapag ang taong masama ay namatay, ang kaniyang pag-asa ay mamamatay, at ang pag-asa na naging kaniyang kalakasan ay mapupunta sa wala. 8 Ang isang taong gumagawa ng tama ay laging nailalayo sa kaguluhan, at sa halip ito ay dumarating sa mga masasama. 9 Sinisira ng bibig ng mga walang Diyos ang kaniyang kapwa, ngunit sa pamamagitan ng kaalaman ang mga gumagawa ng tama ay pinanatiling ligtas. 10 Kapag ang mga gumagawa ng tama ay sumasagana, ang isang lungsod ay nagdiriwang; kapag ang masama ay namatay; ay may mga sigaw ng kagalakan. 11 Sa pamamagitan ng mabubuting mga kaloob ng mga nakalulugod sa Diyos, ang lungsod ay magiging tanyag; sa bibig ng mga masasama, ang lungsod ay mawawasak. 12 Ang taong may paghamak sa kaniyang kaibigan ay walang ulirat, pero ang isang may pang-unawa ay tumatahimik. 13 Sinumang tao na patuloy na naninirang puri ay nagbubunyag ng mga lihim, ngunit ang isang taong tapat ay laging iniingatang pagtakpan ang isang bagay. 14 Kung saan walang matalinong direksiyon, ang isang bansa ay bumabagsak, pero ang tagumpay ay dumarating sa pagsangguni sa maraming tagapayo. 15 Sinumang mananagot sa utang ng isang hindi niya kilala ay tiyak na mapapahamak, pero ang isa na siyang kinapopootang magbigay ng isang garantiya sa ganiyang uri ng pangako ay ligtas. 16 Makakamit ng isang mahabaging babae ang karangalan ngunit ang mga taong walang habag ay mahigpit na kakapit para sa kayamanan. 17 Ang isang mabait na tao ay makikinabang sa kanyang sarili, pero ang isang taong malupit ay sinasaktan ang kaniyang sarili. 18 Ang taong masama ay nagsisinungaling para makuha ang kaniyang kabayaran, pero ang isang nagtatanim ng kung ano ang tama ay mag-aani ng kabayaran ng katotohanan. 19 Ang isang taong tapat na gumagawa kung ano ang tama ay mabubuhay, pero ang isa na humahabol sa masama ay mamamatay. 20 Si Yahweh ay napopoot sa mga pusong tiwali, pero siya ay nagagalak sa kanila na kung saan ang pamamaraan ay walang kapintasan. 21 Maging tiyak dito--ang mga taong masama ay hindi maaaring hindi maparusahan, pero ang mga kaapu-apuhan ng mga gumagawa ng tama ay mananatiling ligtas. 22 Katulad ng isang gintong singsing sa ilong ng baboy ang isang magandang babae na walang hinahon. 23 Ang hangarin ng mga yaong gumagawa ng tama ay nagbubunga ng mabuti, pero ang masamang mga tao ay makaka-asa lamang sa matinding galit. 24 May isa na siyang naghahasik ng binhi--siya ay makaiipon nang higit pa; ang isa pa ay hindi naghahasik--siya ay darating sa kahirapan. 25 Ang taong mapagbigay ay sasagana, at ang isa na siyang nagbibigay ng tubig sa iba ay magkakaroon ng tubig para sa kaniyang sarili. 26 Sinusumpa ng mga tao ang taong ayaw magbenta ng butil, pero ang mabuting mga kaloob ay kumu-korona sa ulo ng nagbebenta nito. 27 Ang isa na nagsisipag na hanapin ang mabuti ay naghahanap din ng kagandahang-loob, pero ang isa na naghahanap sa masama ay makatatagpo nito. 28 Sila na nagtitiwala sa kanilang kayamanan ay babagsak, pero tulad ng dahon, sila na gumagawa ng tama ay lalago. 29 Ang isa na siyang nagdadala ng gulo sa kaniyang sariling sambahayan ay magmamana ng hangin, at ang mangmang ay magiging isang alipin sa matalinong puso. 30 Sila na gumagawa ng tama ay tulad ng isang puno ng buhay, pero ang karahasan ay bumabawi ng mga buhay. 31 Kung sila na gumagawa ng matuwid ay tumatanggap kung ano ang karapat-dapat sa kanila, paano pa kaya ang masama at ang makasalanan!

Chapter 12

1 Sinumang umiibig sa disiplina ay iniibig ang kaalaman, pero sinumang namumuhi sa pagtatama ay mangmang. 2 Nagbibigay si Yahweh ng pabor sa mabuting tao, pero pinarurusahan niya ang taong gumagawa ng masasamang plano. 3 Ang isang tao ay hindi tatatag sa pamamagitan ng kasamaan, pero silang gumagawa ng katuwiran ay hindi mabubunot kailanman. 4 Ang isang karapat-dapat na asawang babae ay korona ng kaniyang asawang lalaki, ngunit ang babaeng nagdadala nang kahihiyan ay tulad ng isang sakit na sumisira ng kaniyang mga buto. 5 Ang mga balakin ng lahat ng gumagawa ng tama ay makatarungan, ngunit ang payo ng masasama ay mapanlinlang. 6 Ang mga salita ng masasamang tao ay bitag na nakaabang ng pagkakataong pumatay, ngunit ang mga salita ng matutuwid ang siyang nag-iingat sa kanila. 7 Ang masasama ay bumabagsak at naglalaho, pero ang bahay ng mga taong gumagawa ng tama ay mananatili. 8 Pinupuri ang isang tao sa kaniyang karunungan, ngunit sinumang gumagawa ng baluktot na mga pagpili ay kinamumuhian. 9 Mas mabuti na magkaroon ng mababang katayuan--ang maging isang lingkod lamang, kaysa ang magmalaki patungkol sa iyong katayuan ngunit walang namang makain. 10 Nagmamalasakit ang matuwid sa pangangailangan ng kaniyang alagang hayop, pero maging ang habag ng masasama ay kalupitan. 11 Sinumang nagbubungkal ng kaniyang lupain ay magkakaroon ng kasaganaan ng pagkain, pero sinumang naghahabol ng mga proyektong walang halaga ay hindi nag-iisip. 12 Hinahangad ng masama ang mga ninakaw ng makasalanan mula sa iba, pero ang bunga ng mga matuwid ay galing sa kanilang mga sarili. 13 Ang masamang tao ay nabibitag ng kaniyang masamang pananalita, pero ang mga taong gumagawa ng tama ay nakaliligtas sa kapahamakan. 14 Mula sa bunga ng kaniyang mga salita, ang tao ay napupuno ng mabuting mga bagay, tulad ng paggagantimpala ng mga kamayy niyang nagtatrabaho. 15 Ang kaparaanan ng isang mangmang ay tama sa kaniyang paningin, pero ang taong may karunungan, sa payo ay nakikinig. 16 Ang mangmang ay kaagad nagpapakita ng galit, pero ang nagsasawalang-kibo sa insulto ay maingat. 17 Sinumang nagsasabi ng totoo ay nagsasalita ng tama, pero ang bulaang saksi ay nagsasabi ng kasinungalingan. 18 Ang mga salitang padalos-dalos ay tulad ng saksak ng isang espada, pero ang dila ng matalino, kagalingan ang dinadala. 19 Ang makatotohanang mga labi ay tumatagal habang-buhay, pero ang sinungaling na dila ay panandalian lamang. 20 Mayroong panlilinlang sa puso ng mga taong nagbabalak ng kasamaan, pero kagalakan ang dumarating sa mga tagapagpayo ng kapayapaan. 21 Walang karamdaman ang dumarating sa mga matuwid, pero ang masasama ay puno ng paghihirap. 22 Galit si Yahweh sa sinungaling na mga labi, pero ang mga namumuhay nang tapat ay ang kasiyahan ng Diyos. 23 Itinatago ng taong maingat ang kaniyang kaalaman, pero ang puso ng hangal ay sumisigaw ng kamangmangan. 24 Ang kamay ng matiyaga ay maghahari, pero ang tamad ay sasailalim sa sapilitang pagtatrabaho. 25 Ang pangamba sa puso ng tao ay nagpapabigat sa kaniya, ngunit nagpapagalak ang mabuting salita. 26 Ang matuwid ay gabay sa kaniyang kaibigan, pero ang paraan ng masama ay nag-aakay sa kanila sa lihis na daan. 27 Ang mga tamad ay hindi niluluto ang kanilang sariling huli, pero ang matiyaga ay magkakaroon pa ng yamang natatangi. 28 Ang mga lumalakad sa tamang daan, buhay ang nasusumpungan at sa kaniyang landas ay walang kamatayan.

Chapter 13

1 Ang matalinong anak ay nakikinig sa tagubilin ngunit ang manunuya ay hindi makikinig sa pagtutuwid. 2 Mula sa bunga ng kaniyang bibig, sa mga mabubuting bagay ang isang tao ay nasisiyahan, pero ang gana ng taksil ay para sa karahasan. 3 Ang binabantayan ang kaniyang bibig ay pinapangalagaan ang kaniyang buhay, pero sisirain ang sarili nang nagbubukas ng labi ng maluwang. 4 Ang gana ng taong tamad ay nananabik nang labis pero walang makukuha, pero ang gana ng mga taong masisipag ay masisiyahan nang masagana. 5 Napopoot sa mga kasinungalingan ang siyang gumagawa ng tama, pero ang isang masamang tao ay ginagawang kamuhi-muhi ang sarili, at ginagawa niya kung ano ang kahiya-hiya. 6 Silang walang kapintasan sa kanilang landas ay ipinagtatanggol ng katuwiran, ngunit ang kasamaan ay inililigaw ang mga gumagawa ng kasalanan. 7 May isang tao na pinayayaman ang sarili, pero halos walang-wala, at may isang tao na pinamimigay ang lahat ng bagay, pero siyang tunay na masagana. 8 Ang taong mayaman ay maaaring tubusin ang kaniyang buhay sa pamamagitan ng kaniyang mga ari-arian, pero ang taong mahirap ay hindi makatatanggap ng ganiyang uri ng pagbabanta kailanman. 9 Ang ilaw nang gumagawa ng matuwid ay nagsasaya, pero papatayin ang lampara ng masama. 10 Ang pagmamataas ay nagbubunga lamang ng pag-aaway-away, pero mayroong karunungan para sa mga nakikinig ng mabuting payo. 11 Ang kayamanan ay nauubos kapag mayroong labis na kalayawan, pero ang siyang kumikita ng salapi sa pamamagitan ng pagtatrabaho gamit ang kaniyang kamay ay mapapalago ang kaniyang salapi. 12 Kapag ang pag-asa ay ipinagpaliban, dinudurog nito ang puso, pero ang isang natupad na pananabik ay isang puno ng buhay. 13 Ang nagsasawalang-bahala ng tagubilin ay magiging sakop pa rin nito, pero ang nagpaparangal sa utos ay gagantimpalaan. 14 Ang katuruan ng isang matalinong tao ay bukal ng buhay, ilalayo ka mula sa patibong ng kamatayan. 15 Kagandahang-loob ang tinatamo ng mabuting pananaw, pero ang daan ng taksil ay walang katapusan. 16 Ang taong marunong ay kumikilos sa bawat pagpapasya mula sa kaalaman, pero pinapangalandakan ng isang mangmang ang kaniyang kamangmangan. 17 Ang isang masamang tagapagbalita ay nahuhulog sa gulo, pero ang isang tapat na sugo ay nagdadala ng pagkakasundo. 18 Magkakaroon ng kahirapan at kahihiyan ang hindi pumapansin sa disiplina, pero karangalan ang darating sa kaniya na natututo mula sa pagtutuwid. 19 Ang pananabik na nakamit ay matamis sa gana ng panlasa, pero ang mangmang ay nasusuklam na tumalikod mula sa masama. 20 Lumakad kasama ang mga matatalinong tao at ikaw ay magiging matalino, pero ang kasamahan ng mga mangmang ay magdurusa ng kapamahakan. 21 Sakuna ang humahabol sa mga makasalanan, pero silang mga gumagawa ng tama ay gagantimpalaan ng kabutihan. 22 Nag-iiwan ng mana para sa kaniyang mga apo ang taong mabuti, pero ang kayamanan ng makasalanan ay inipon para sa gumagawa ng matuwid. 23 Ang hindi pa nabubungkal na bukirin na pag-aari ng mahirap ay maaaring magbunga ng maraming pagkain, pero ito ay natangay dahil sa kawalan ng katarungan. 24 Ang hindi dinidisiplina ang kaniyang anak ay napopoot dito, pero ang nagmamahal sa kaniyang anak ay maingat na disiplinahin ito. 25 Ang gumagawa ng tama ay kumakain hanggang masiyahan ang kaniyang gana, pero laging nagugutom ang tiyan ng masama.

Chapter 14

1 Ang marunong na babae ay nagtatayo ng kaniyang bahay, ngunit ang hangal na babae ay sinisira ito ng kaniyang sariling mga kamay. 2 Ang lumalakad ng matuwid ay may takot kay Yahweh, ngunit ang hindi tapat sa kaniyang pamumuhay ay hinahamak siya. 3 Mula sa bibig ng isang hangal ay lumalabas ang isang sanga ng kaniyang pagmamataas, ngunit ang mga labi ng marunong ay iingatan sila. 4 Kung saan walang baka ang sabsaban ay malinis, ngunit ang isang masaganang pananim ay maaaring dumating sa pamamagitan ng lakas ng isang baka. 5 Ang tapat na saksi ay hindi nagsisinungaling, ngunit ang huwad na saksi ay nabubuhay sa kasinungalingan. 6 Ang nangungutya ay naghahanap ng karunungan at walang makita, ngunit ang kaalaman ay madaling dumating sa taong may pang-unawa. 7 Umiwas mula sa isang taong hangal, dahil ikaw ay hindi makakakita ng kaalaman sa kaniyang mga labi. 8 Ang karunungan ng taong maingat ay para maunawaan ang kaniyang sariling paraan, ngunit ang kamangmangan ng mga hangal ay panlilinlang. 9 Ang mga hangal ay nangungutya kapag ang handog sa pagkakasala ay inialay, ngunit sa matuwid ang kagandahang-loob ay ibinabahagi. 10 Alam ng puso ang sarili niyang kapaitan, at walang sinuman ang nakikibahagi sa kagalakan nito. 11 Ang bahay ng mga taong masama ay wawasakin, ngunit ang tolda ng taong matuwid ay sasagana. 12 Mayroong isang landas na tila tama sa isang tao, ngunit ang dulo nito ay naghahatid lamang sa kamatayan. 13 Ang puso ay maaaring tumawa ngunit nananatiling nasasaktan, at ang kagalakan ay maaaring magtapos sa kapighatian. 14 Ang hindi tapat ay makukuha kung ano ang karapat-dapat sa kaniyang pamumuhay, ngunit ang taong mabuti ay makukuha kung ano ang kaniya. 15 Ang hindi naturuan ay naniniwala sa lahat ng bagay, ngunit ang taong maingat, iniisip ang kaniyang mga hakbang. 16 Ang marunong ay may takot at lumalayo mula sa kasamaan, ngunit ang hangal ay panatag na hindi pinapansin ang babala. 17 Ang isang madaling magalit ay nakagagawa ng mga kahangalan, at ang tao na gumagawa ng masasamang pamamaraan ay kinamumuhian. 18 Ang mga taong hindi naturuan ay magmamana ng kahangalan, ngunit ang taong maingat ay napapaligiran ng kaalaman. 19 Ang mga masasama ay yuyuko sa harap ng mabubuti, at ang mga masama ay luluhod sa tarangkahan ng mga matuwid. 20 Ang mahihirap ay kinamumuhian kahit ng kaniyang sariling mga kasamahan, ngunit ang mga mayayaman ay maraming kaibigan. 21 Ang isang nagpapakita ng paghamak sa kaniyang kapwa ay nagkakasala, ngunit ang isang nagpapakita ng kagandahang-loob para sa mahirap ay masaya. 22 Hindi ba ang mga nagbabalak ng masama ay naliligaw? Ngunit ang mga nagbabalak na gumawa ng mabuti ay makatatanggap nang katapatan sa tipan at pagtitiwala. 23 Sa lahat ng mahirap na gawain ay may darating na kapakinabangan, ngunit kung puro salita lamang, ito ay hahantong sa kahirapan. 24 Ang korona ng mga taong marunong ay ang kanilang kayamanan, ngunit ang kamangmangan ng mga hangal ay nagdadala ng lalong maraming kahangalan. 25 Ang matapat na saksi ay naglilitas ng mga buhay, ngunit ang isang huwad na saksi ay nabubuhay sa kasinungalingan. 26 Kapag ang isang tao ay takot kay Yahweh, siya rin ay may higit na tiwala sa kaniya; ang mga bagay na ito ay magiging katulad ng isang matatag na lugar na proteksyon para sa mga anak ng taong ito. 27 Ang pagkatakot kay Yahweh ay isang bukal ng buhay, para ang tao ay makalayo mula sa patibong ng kamatayan. 28 Ang kaluwalhatian ng hari ay matatagpuan sa malaking bilang ng kaniyang mga tao, ngunit kung walang mga tao ang prinsipe ay napapahamak. 29 Ang matiyaga ay may malawak na pang-unawa, ngunit ang taong mabilis magalit ay itinataas ang kamangmangan. 30 Ang pusong panatag ay buhay para sa katawan, ngunit ang inggit ay binubulok ang mga buto. 31 Ang isang nagmamalupit sa mahihirap ay isinusumpa ang kaniyang Maykapal, ngunit ang isang nagpapakita ng kagandahang-loob para sa nangangailangan ay pinaparangalan siya. 32 Ang masama ay ibinagsak sa pamamagitan ng kaniyang masamang mga gawa, ngunit ang matuwid ay may isang kanlungan kahit sa kamatayan. 33 Ang karunungan ay nasa puso ng nakakakilala ng mabuti, ngunit sa kasamahan ng mga hangal ay ibinunyag niya ng kaniyang sarili. 34 Ang paggawa ng tama ay nagtataas ng isang bansa, ngunit ang kasalanan ay isang kahihiyan para sa sinuman. 35 Ang kagandahang-loob ng hari ay para sa maingat na lingkod, ngunit ang kaniyang galit ay para sa isang kumikilos nang kahiya-hiya.

Chapter 15

1 Ang malumanay na sagot ay nag-aalis ng poot, pero ang malupit na salita ay nagsasanhi ng galit. 2 Ang dila ng mga matatalinong tao ay sinasang-ayunan ng kaalaman, pero ang bibig ng mga mangmang ay nagbubugso nang kamangmangan. 3 Ang mga mata ni Yahweh ay nasa lahat ng dako, patuloy na nagmamasid sa masama at mabuti. 4 Ang dilang nagpapagaling ay puno ng buhay, pero ang mapanlinlang na dila ay sumisira ng kalooban. 5 Hinahamak ng mangmang ang disiplina ng kaniyang ama, pero ang siyang natututo mula sa pagtatama ay marunong. 6 Sa bahay ng mga gumagawa ng tama ay mayroong labis na kayamanan, pero ang kinikita ng mga masasamang tao ay nagbibigay ng gulo sa kanila. 7 Ang labi ng mga matatalinong tao ay nagbabahagi ng kaalaman, pero hindi ang puso ng mga mangmang. 8 Kinasusuklaman ni Yahweh ang mga pag-aalay ng mga masasamang tao, pero kasiyahan sa kaniya ang panalangin ng mga matuwid na tao. 9 Kinasusuklaman ni Yahweh ang paraan ng mga masasamang tao, pero mahal niya ang siyang nanatili sa tama. 10 Ang malupit na disiplina ay hinihintay ang sinumang tatalikod sa tamang daan at ang siyang galit sa pagtatama ay mamamatay. 11 Ang Sheol at pagkawasak ay nasa harap ni Yahweh; gaano pa kaya ang puso ng mga kaapu-apuhan ng sangkatauhan? 12 Ang mangungutya ay galit sa pagtatama; hindi siya magiging marunong. 13 Ang pusong nagagalak ay ginagawang maaya ang mukha, pero ang matinding lungkot ay sumisira ng diwa. 14 Ang puso ng umuunawa ay humahanap ng kaalaman, pero ang bibig ng mga mangmang ay kumakain ng kahangalan. 15 Lahat ng araw ng mga taong inaapi ay napakahirap, pero ang nagagalak na puso ay may piging na walang katapusan. 16 Mas mabuti ang kaunti na may takot kay Yahweh kaysa sa labis na kayamanan na may kaguluhan. 17 Mas mabuti ang pagkain na may mga gulay na may mayroong pag-ibig kaysa sa isang pinatabang guya na hinain na may galit. 18 Ang galit na tao ay pumupukaw ng mga pagtatalo, pero ang taong matagal magalit ay pinapayapa ang isang alitan. 19 Ang daanan ng taong tamad ay tulad ng isang lugar na may bakod na tinik, pero ang daanan ng matuwid ay gawa sa daanang tuloy-tuloy. 20 Ang matalinong anak na lalaki ay nagdadala ng kasiyahan sa kaniyang ama, pero ang mangmang ay namumuhi sa kaniyang ina. 21 Ang kahangalan ay kasiyahan ng hindi nag-iisip, pero ang siyang nakauunawa ay naglalakad sa tuwid na daanan. 22 Ang mga balak ay namamali kapag walang payo, pero kapag marami ang tagapayo sila ay nagtatagumpay. 23 Ang tao ay nakakahanap ng kaligayahan kapag siya ay nagbibigay ng matalinong sagot; Napakabuti ng napapanahong salita! 24 Ang landas ng buhay ay gabay pataas para sa marurunong na tao, upang siya nawa ay makalayo mula sa sheol na nasa ilalim. 25 Winawasak ni Yahweh ang pamana ng mapagmataas, pero pinapangalagaan niya ang ari-arian ng balo. 26 Kinasusuklaman ni Yahweh ang mga kaisipan ng mga masasamang tao, pero ang mga salita ng kagandahang-loob ay busilak. 27 Nagdadala ng gulo ang magnanakaw sa kaniyang pamilya, pero mabubuhay ang siyang galit sa mga suhol. 28 Ang pusong gumagawa ng tama ay nag-iisip bago sumagot, ngunit ang bibig ng masasama ay ibinubuhos ang lahat ng kasamaan nito. 29 Si Yahweh ay malayo sa mga masasamang tao, pero naririnig niya ang panalangin ng mga gumagawa ng tama. 30 Ang ilaw ng mga mata ay nagdadala ng kasiyahan sa puso, at ang mabuting mga balita ay mabuti sa katawan. 31 Kung ikaw ay magbibigay ng pansin sa taong nagtatama sa kung papaano ka mamuhay, ikaw ay mananatiling kabilang sa mga matatalino. 32 Ang siyang tumatanggi sa disiplina ay namumuhi sa kaniyang sarili, pero ang siyang nakikinig sa pagtatama ay nagtatamo ng kaunawaan. 33 Ang takot kay Yahweh ay nagtuturo ng karunungan, at ang pagpapakumbaba ay nauuna bago ang karangalan.

Chapter 16

1 Ang mga balak ng puso ay pag-aari ng isang tao, ngunit mula kay Yahweh ang sagot mula sa kaniyang dila. 2 Lahat ng pamamaraan ng isang tao ay dalisay sa kaniyang sariling paningin, pero tinitimbang ni Yahweh ang mga kalooban. 3 Ipagkatiwala mo ang iyong mga gawain kay Yahweh at magtatagumpay ang mga balak mo. 4 Ginawa ni Yahweh ang lahat ng bagay ukol sa kaniyang layunin, maging ang mga masama para sa araw ng kaguluhan. 5 Kinamumuhian ni Yahweh ang bawat isa na may mapagmataas na puso, kahit na tumayo pa sila nang magkahawak, hindi sila maliligtas sa kaparusahan. 6 Sa pamamagitan ng katapatan sa kasunduan at pagtitiwala ang pagkakasala ay nabayaran at sa pamamagitan ng takot kay Yahweh, tinatalikuran ng mga tao ang kasamaan. 7 Kapag ang pamamaraan ng isang tao ay kalugod-lugod kay Yahweh, ginagawa niya kahit na ang mga kaaway nito ay makipagbati sa kaniya. 8 Mabuti pa ang may kakaunti nang nasa tama, kaysa sa malaking kita na may kaakibat na kawalan ng katarungan. 9 Sa kaniyang puso, ang isang tao ay nagpaplano ng kaniyang landas, pero si Yahweh ang nagtuturo ng kaniyang mga hakbang. 10 Ang isang pahayag na may karunungan ay nasa labi ng isang hari, sa paghahatol ang kaniyang bibig ay hindi nagsasalita nang may panlilinlang. 11 Ang tapat na mga timbangan ay nagmumula kay Yahweh; lahat ng mga pabigat sa sako ay kanyang gawain. 12 Kapag gumagawa ng napakasamang mga bagay ang mga hari, ito ay isang bagay na dapat kasuklaman sapagkat ang trono ay itinatag sa pamamagitan ng paggawa ng kung ano ang tama. 13 Nalulugod ang isang hari sa mga labi na nagsasabi ng kung ano ang tama at kinagigiliwan niya ang isang nagsasalita nang tuwiran. 14 Ang matinding galit ng isang hari ay sugo ng kamatayan pero ang isang marunong na tao ay magsisikap na pahupain ang kanyang galit. 15 Sa liwanag ng mukha ng isang hari ay buhay, at ang kanyang pagkiling ay parang isang ulap na nagdadala ng ulan sa tagsibol. 16 Higit na mainam ang pagtamo ng karunungan kaysa ginto. Ang pagtamo ng kaunawaan ay dapat higit na piliin kaysa pilak. 17 Ang daang-bayan ng mga matuwid na tao ay palayo sa kasamaan; ang taong nangangalaga ng kanyang buhay ay nag-iingat sa kanyang landas. 18 Nauuna ang kayabangan bago sa kapahamakan at ang mapagmataas na kalooban ay nauuna bago sa isang pagbagsak. 19 Mas mabuti pang maging mapagpakumbaba kasama ng mga mahihirap na tao kaysa makipaghatian ng mga nasamsam na bagay sa mga mayayabang na tao. 20 Sinumang pinagninilay-nilayan ang itinuturo sa kanila ay makakasumpong nang mabuti at iyong mga nagtitiwala kay Yahweh ay masisiyahan. 21 Ang isang marunong sa kanyang puso ay tatawaging marunong makita ang kaibhan, at pinahuhusay ng matamis na pananalita ang kakayahang magturo. 22 Ang kaunawaan ay isang bukal ng buhay sa isang mayroon nito, pero ang kaparusahan ng mga hangal ay ang kanilang kahangalan. 23 Ang puso ng isang marunong na tao ay nagbibigay ng mahusay na panananaw sa kaniyang bibig at nagdadagdag ng panghihikayat sa kaniyang mga labi. 24 Ang kaaya-ayang mga salita ay isang pulot-pukyutan - matamis sa kaluluwa at kagalingan sa mga buto. 25 May daan na tama sa tingin ng isang tao ngunit ang dulo nito ay ang daan sa kamatayan. 26 Ang gana ng isang manggagawa ay kapaki-pakinabang sa kaniya, ang kanyang gutom ang patuloy na nagtutulak sa kaniya. 27 Ang isang walang kwentang tao ay naghuhukay ng kapilyuhan, at ang kaniyang pananalita ay tulad ng isang nakakapasong apoy. 28 Ang isang napakasamang tao ay pumupukaw ng pagtatalo at ang isang tsismoso ay naghihiwalay ng malalapit na magkaibigan. 29 Ang isang taong marahas ay nagsisinungaling sa kaniyang kapwa at naghahatid sa kaniya pababa sa isang landas na hindi mabuti. 30 Ang isang kumikindat ay nagbabalak ng napakasamang mga bagay; iyong mga nagtitikom ng mga labi ay gagawa ng kasamaan. 31 Ang uban ay isang korona ng karangalan; nakukuha ito sa pamamagitan ng pamumuhay sa tamang paraan. 32 Mas mabuting maghinay-hinay sa galit kaysa maging isang mandirigma; ang isang nagpipigil sa kanyang sarili ay mas malakas kaysa sa isang sumasakop sa isang lungsod. 33 Ang mga palabunutan ay hinahagis sa kandungan, pero ang kapasyahan ay nagmumula kay Yahweh.

Chapter 17

1 Mas mabuti na magkaroon ng tahimik na may isang subong tuyong tinapay kaysa sa isang bahay na puno ng kapistahan na mayroong pagkaka-alitan. 2 Ang isang matalinong alipin ay mamamahala sa isang anak na gumagawa ng kahihiyan at makikibahagi ng mana gaya ng isa sa magkakapatid. 3 Ang tunawan ng metal ay para sa pilak at ang hurno ay para sa ginto, ngunit dinadalisay ni Yahweh ang mga puso. 4 Ang taong gumagawa ng masama ay nakikinig sa mga taong nagsasalita ng kasamaan; Ang sinungaling ay nagbibigay pansin sa mga taong nagsasalita ng mga masasamang bagay. 5 Ang sinumang nanglalait sa mahirap ay hinahamak ang kanyang Tagapaglikha, at ang taong nagagalak sa kasawian ay hindi makakaligtas sa kaparusahan. 6 Ang mga apo ay korona ng mga matatanda, at ang mga magulang ay nagbibigay dangal sa kanilang mga anak. 7 Ang mahusay na pananalita ay hindi angkop para sa isang mangmang; lalong hindi angkop ang mga labing sinungaling para sa isang maharlika. 8 Ang suhol ay parang isang mahikang-bato sa isang nagbibigay nito; saan man siya dumako, siya ay magtatagumpay. 9 Ang sinumang nagpapaumanhin sa paglabag ay naghahanap ng pagmamahal, pero ang sinumang umuulit sa isang bagay ay nagpapalayo sa mga malalapit na kaibigan. 10 Ang pagsaway ay taimtim na tumutungo sa isang tao na may pang-unawa kaysa sa isang daang dagok sa isang hangal. 11 Ang masamang tao ay naghahanap lamang ng himagsikan, kaya ang isang malupit na mensahero ay ipapadala laban sa kaniya. 12 Mabuti pa na makasalubong ang isang inahing oso na ninakawan ng anak kaysa makatagpo ng isang mangmang sa kanyang kahangalan. 13 Kung ang isang tao ay nagbabalik ng masama para sa mabuti, hindi kailanman iiwan ng kasamaan ang kaniyang tahanan. 14 Ang simula ng hindi pagkakasundo ay gaya ng isang taong nagpapakawala ng tubig sa lahat ng dako, kaya lumayo ka sa mga pagtatalo bago ito magsimula. 15 Ang sinumang nagpapawalang-sala sa mga masasamang tao o humahatol sa mga taong gumagawa ng tama--kapwa ang mga taong ito ay karumal-dumal kay Yahweh. 16 Bakit kailangang magbayad ng salapi ang isang mangmang para matuto tungkol sa karunungan, kung wala naman siyang kakayahang matutunan ito? 17 Ang kaibigan ay mapagmahal sa lahat ng oras, at ang kapatid ay isinilang para sa mga oras ng kaguluhan. 18 Ang taong walang isip ay gumagawa ng mga pangakong kailangang tuparin at mananagot sa mga utang ng kaniyang kapwa. 19 Ang sinuman na nagmamahal sa mga hidwaan ay nagmamahal sa kasalanan; Ang taong gumagawa ng mataas na pintuan ay sanhi para ang buto ay mapilayan. 20 Ang taong may mandarayang puso ay walang mabuting bagay na matatagpuan. Ang taong may napakasamang dila ay nahuhulog sa kapahamakan. 21 Kung sinumang umanak ng isang hangal ay magdudulot ng kapighatian sa kanyang sarili; Kung sinumang umaruga ng isang hangal ay hindi makakapagdiwang. 22 Ang isang masayahing puso ay mainam na gamot, pero ang mabigat na kalooban ay nakakatuyo ng mga buto. 23 Ang masamang tao ay tumatanggap ng suhol na palihim para iligaw ang mga daan ng katarungan. 24 Ang taong mayroong pang-unawa ay itinutuon ang kanyang mukha sa karunungan, pero ang mga mata ng isang hangal ay nakatuon sa dulo ng daigdig. 25 Ang isang mangmang na anak ay pighati sa kanyang ama at kapaitan sa babaeng nagsilang sa kanya, 26 At saka, hindi kailanman mabuting parusahan ang sinumang gumagawa ng tama; ni hindi mabuting paluin ang mga taong marangal na taglay ang katapatan. 27 Ang isang may kaalaman ay gumagamit ng kaunting mga salita at ang mahinahon ay may pang-unawa. 28 Kahit ang isang mangmang ay iisiping marunong kapag siya ay nananahimik; kung pinapanatili niyang tikom ang kaniyang bibig, siya ay itinuturing na matalino.

Chapter 18

1 Sinumang ihinihiwalay ang kaniyang sarili ay naghahangad ng sariling kagustuhan at siya ay nakikipagtalo sa lahat ng kaisipang may katuturan. 2 Hindi nakasusumpong ng kasiyahan sa pag-unawa ang isang hangal maliban sa paghahayag ng laman ng kaniyang puso. 3 Sa pagdating ng masama, kasama niya ay paghamak, kahihiyan at kasiraan. 4 Ang mga salitang mula sa bibig ng tao ay malalim na katubigan, ang bukal na pinagdadaluyan ng karunungan. 5 Hindi mabuti na pumanig sa masama o ang ipagkait ang katarungan sa mga matuwid. 6 Ang labi ng mangmang ay nagdadala ng alitan at ang kaniyang bibig ay nag-aanyaya ng kaguluhan. 7 Ang bibig ng mangmang ay ang kaniyang pagkasira, at ang kaniyang sarili ay nalilinlang ng kaniyang mga labi. 8 Ang mga salitang tsismis ay tulad ng masarap na pagkain, bumababa ito sa kaloob-looban ng katawan. 9 Sinumang tamad sa gawain ay kapatid sa taong mapanira. 10 Ang pangalan ni Yahweh ay matibay na tore; ang matuwid na tumatakbo patungo rito ay ligtas. 11 Ang kayamanan ng mayaman ay ang kaniyang tanggulang-lungsod, at sa kaniyang imahinasyon ito ay tulad ng isang mataas na pader. 12 Bago ang kaniyang pagbagsak, ang puso ng tao ay mapagmataas, pero ang kababaang-loob ay nauuna bago ang karangalan. 13 Sinumang sumasagot bago pa man makinig ay mangmang at kahiya-hiya. 14 Ang espiritu ng tao ay mananaig sa karamdaman, ngunit ang espiritung mahina, sino ang makatitiis? 15 Ang puso ng matalino ay nagkakamit ng kaalaman at ang pandinig ng marunong ay naghahangad nito. 16 Ang kaloob ng tao ay maaaring magbukas ng daan para dalhin siya patungo sa isang mahalagang tao. 17 Ang unang magsumamo ng kaniyang kaso ay mukhang tama hangga't ang kaniyang kalaban ay dumating at tanungin siya. 18 Ang palabunutan ay nag-aayos ng gulo at naghihiwalay ng malalakas na katunggali. 19 Ang kapatid na nasaktan ang damdamin ay mas mahirap na amuin kaysa isang matatag na lungsod, at ang pakikipagtalo ay tulad ng mga harang ng isang kastilyo. 20 Mula sa bunga ng kaniyang bibig, ang kaniyang tiyan ay napupuno; sa ani ng kaniyang mga labi, siya ay nasisiyahan. 21 Ang kamatayan at ang buhay ay nasa kapangyarihan ng dila, at ang mga nagmamahal dito ay kakain ng bunga nito. 22 Ang sinumang nakatatagpo ng asawang babae ay nakahahanap ng mabuting bagay at tatanggap ng pagpapala mula kay Yahweh. 23 Ang mahirap ay nanlilimos ng awa, pero ang sagot ng mayaman ay magaspang. 24 Sinumang umaangkin ng maraming kaibigan ay nadadala sa pagkasira ng mga kaibigang iyon, pero mayroong isang kaibigan na mas malapit pa sa isang kapatid.

Chapter 19

1 Mas mabuti ang isang mahirap na lumalakad nang may karangalan kaysa sa isang baluktot magsalita at isang mangmang. 2 Gayon din, hindi mabuting magkaroon ng nais na walang karunungan at ang tumatakbo nang mabilis ay lumilihis sa landas. 3 Pinapahamak ng kamangmangan ng tao ang kaniyang buhay, at ang puso niya ay nagagalit laban kay Yahweh. 4 Ang kayamanan ay nakadaragdag ng maraming kaibigan, pero ang mahirap ay hiwalay mula sa kaniyang mga kaibigan. 5 Ang bulaang saksi ay hindi makakaalis ng hindi napaparusahan, at hindi makakatakas ang siyang nabubuhay sa mga kasinungalingan. 6 Maraming hihingi ng tulong mula sa mapagbigay na tao, at lahat ay kaibigan ng siyang nagbibigay ng mga regalo. 7 Lahat ng mga kapatid ng mahirap ay napopoot sa kaniya; paano pa ang kaniyang mga kaibigan na lumalayo mula sa kaniya! Siya ay nananawagan sa kanila, pero sila ay naglaho na. 8 Ang nagsisikap na magkaroon ng karunungan ay nagmamahal sa kaniyang sariling buhay; ang nagpapanatili sa pang-unawa ay makatatagpo ng kabutihan. 9 Ang bulaang saksi ay hindi makaaalis ng hindi mapaparusahan, ngunit mapapahamak ang mga nabubuhay sa kasinungalingan. 10 Hindi angkop para sa isang mangmang na mamuhay ng may karangyaan— lalong hindi para sa isang alipin ang mamuno sa mga prinsipe. 11 Ang pag-iingat ay nagdudulot sa isang tao na hindi agad magalit at ang kaniyang dangal ay ang hindi pagpansin sa kasalanan. 12 Ang poot ng hari ay parang batang leon na umaatungal, pero ang kaniyang kagandahang loob ay katulad ng hamog sa mga damuhan. 13 Kasiraan sa kaniyang ama ang isang mangmang na anak at ang mapang-away na asawang babae ay tulo ng tubig na walang tigil. 14 Ang bahay at kayamanan ay namamana mula sa mga magulang, ngunit mula kay Yahweh ang masinop na asawang babae. 15 Hinahagis ng katamaran ang isang tao sa mahimbing na tulog, pero magugutom ang isang tao na ayaw maghanapbuhay. 16 Ang tumutupad ng kautusan ay nag-iingat ng kaniyang buhay, pero ang hindi pinag-iisipan ang kaniyang mga pamamaraan ay tiyak na mamamatay. 17 Ang sinumang mabait sa mahihirap ay nagpapahiram kay Yahweh, at babayaran siya ni Yahweh dahil sa kaniyang ginawa. 18 Disiplinahin mo ang iyong anak habang may pag-asa pa, at huwag mong patatagin ang iyong kagustuhan na ilagay siya sa kamatayan. 19 Ang taong mainitin ang ulo ay dapat magbayad kung siya ay iyong sinagip, gagawin mo ito ulit sa pangalawang pagkakataon. 20 Dinggin mo at sundin ang aking katuruan, at ikaw ay magiging marunong hanggang sa katapusan ng iyong buhay. 21 Marami ang mga plano sa puso ng isang tao, pero ang layunin ni Yahweh ang siyang mananaig. 22 Katapatan ang ninanais ng isang tao, at higit na mainam ang mahirap kaysa sa isang sinungaling. 23 Ang paggalang at pagsunod kay Yahweh ay nagbibigay ng buhay; ang gumagawa nito ay masisiyahan at ligtas sa kapahamakan. 24 Binabaon ng batugan ang kaniyang kamay sa pagkain; hindi man lamang niya ito maibalik pataas sa kaniyang bibig. 25 Kapag iyong pinarusahan ang isang mangungutya, matututo pati ang walang pinag-aralan; itama mo ang may pang-unawa at lalawak ang kaniyang kaalaman. 26 Ang isang ninanakawan ang kaniyang ama at pinapalayas ang kaniyang ina ay isang anak na nagdadala ng kahihiyan at kasiraan. 27 Kung hindi ka na makikinig sa katuruan, aking anak, ikaw ay mapapalayo mula sa mga salita ng kaalaman. 28 Ang masamang saksi ay kinukutya ang katarungan, at ang bibig ng masama ay lumulunok ng malaking kasalanan. 29 Nakahanda ang paghatol sa mga mapangutya, at paghahagupit sa likod ng mga mangmang.

Chapter 20

1 Ang alak ay mangungutya at ang matapang na inumin ay basag-ulero; ang sinumang naliligaw sa pamamagitan ng pag-inom ay hindi matalino. 2 Ang takot sa hari ay katulad ng takot sa batang leon na umaatungal; ang sinumang maging dahilan ng kaniyang galit ay itinatapon ang kaniyang buhay. 3 Isang karangalan para sa sinuman ang umiwas sa hindi pagkakasundo, ngunit ang bawat hangal ay sumasali sa isang pagtatalo. 4 Ang taong tamad ay hindi nag-aararo sa taglagas; siya ay naghahanap ng isang bunga sa panahon ng tag-ani ngunit hindi magkakaroon nang anuman. 5 Ang mga layunin ng puso ng isang tao ay katulad ng malalim na tubig, ngunit ang isang taong may pang-unawa ay aalamin ito. 6 Maraming tao ang nagpapahayag na sila ay tapat, ngunit sino ang makakahanap ng isang taong matapat? 7 Ang taong gumagawa ng tama ay naglalakad sa kaniyang dangal, at ang kaniyang mga anak na lalaki na sumusunod sa kaniya ay masaya. 8 Ang isang hari na nakaupo sa trono na ginagampanan ang mga tungkulin ng isang hukom ay pinipili sa kaniyang mga mata ang lahat ng masasama na nasa harapan niya. 9 Sino ang maaaring magsabi, "Pinapanatili kong malinis ang aking puso; Ako ay malaya mula sa aking kasalanan"? 10 Ang magkakaibang timbang at hindi pantay na mga sukat— parehong kinapopootan ang mga ito ni Yahweh. 11 Maging ang isang kabataan ay nakikilala sa kaniyang mga kilos, kung ang kaniyang pag-uugali ay dalisay at matuwid. 12 Ang mga tainga na nakakarinig at ang mga mata na nakakakita— parehong ginawa ito ni Yahweh. 13 Huwag mahalin ang pagtulog o ikaw ay darating sa paghihirap; buksan mo ang iyong mga mata at ikaw ay magkakaroon ng maraming kakainin. 14 '"Masama! Masama!" sabi ng mga bumibili, pero kapag umalis siya, siya ay nagmamayabang. 15 Mayroong ginto at kasaganaan sa mamahaling mga bato, ngunit ang mga labi ng kaalaman ay isang mamahaling hiyas. 16 Ang sinumang nagbibigay ng kasiguruhan para sa utang ng iba, kuhanan mo ng damit bilang sangla. 17 Ang tinapay na nakamit sa pamamagitan ng panlilinlang ay matamis sa panlasa, ngunit pagkatapos ang kaniyang bibig ay mapupuno ng graba. 18 Ang mga plano ay pinagtitibay sa pamamagitan ng payo, at sa marunong na patnubay lamang ay dapat kang makipaglaban. 19 Ang tsismis ay nagbubunyag ng mga lihim, at kaya hindi ka dapat makisama sa mga taong nagsasalita ng sobra. 20 Kapag isinusumpa ng isang tao ang kaniyang ama o kaniyang ina, ang kaniyang ilawan ay papatayin sa kalagitnaan ng kadiliman. 21 Ang isang mana na madaling nakamit sa simula ay gagawa ng mas kaunting kabutihan sa bandang huli. 22 Huwag sabihing, "Gagantihan kita para sa pagkakamaling ito!" Hintayin si Yahweh at siya ang sasagip sa iyo. 23 Kinamumuhian ni Yahweh ang mga hindi parehas na timbang, at ang hindi tapat na mga timbangan ay hindi mabuti. 24 Ang mga hakbang ng isang tao ay pinapatnubayan ni Yahweh; paano niya mauunawaan ang kaniyang paraan kung gayon? 25 Isang patibong para sa isang tao ang pagsasabi nang padalus-dalos, "Ang bagay na ito ay banal," at iniisip lamang ang kahulugan pagkatapos niyang masabi ang kaniyang panata. 26 Ang marunong na hari ay inihihiwalay ang masama, at pagkatapos sinasagasaan ng panggiik na kariton sa ibabaw nila. 27 Ang espiritu ng isang tao ay ang ilawan ni Yahweh, hinahanap ang lahat ng kaniyang kaloob-loobang mga bahagi. 28 Ang tipan ng katapatan at pagtitiwala ay nangangalaga sa hari; ang kaniyang trono ay iniingatan sa pamamagitan ng pag-ibig. 29 Ang dangal ng mga kabataang lalaki ay ang kanilang kalakasan, at ang karangyaan ng matatanda ay ang kanilang mga uban. 30 Ang mga hampas na sumusugat, nililinis ang kasamaan, at ang mga palo ay nililinis ang mga kaloob-loobang mga bahagi.

Chapter 21

1 Ang puso ng hari ay isang batis ng tubig sa kamay ni Yahweh; siya ang pumapatnubay dito kahit saan niya naisin. 2 Ang bawat pamamaraan ng tao ay maaaring tama sa kaniyang paningin, ngunit si Yahweh ang sumusukat ng mga puso. 3 Ang paggawa ng kung ano ang tama at makatarungan ay mas katanggap-tanggap kay Yahweh kaysa sa sakripisyo. 4 Ang mapagmalaking mga mata at mapagmataas na puso - ang ilawan ng masama - ay kasalanan. 5 Ang mga plano ng masipag ang tanging daan sa kasaganahan, ngunit ang lahat ng kumikilos ng masyadong mabilis ay sasapit lamang sa kahirapan. 6 Ang pagtamo ng kayamanan ng isang sinungaling na dila ay panandaliang singaw at isang patibong na nakamamatay. 7 Ang karahasan ng kasamaan ay tatangayin sila palayo, sapagkat sila ay tumatanggi na gawin kung ano ang patas. 8 Ang paraan ng makasalanang tao ay liku-liko; ngunit ang taong dalisay ay gumagawa ng tama. 9 Mas mabuti pang mamuhay sa sulok ng bubungan kaysa sa bahay na kahati ang palaaway na asawang babae. 10 Ang gana ng masama ay nagmimithi ng labis na kasamaan; ang kaniyang kalapit-bahay sa kaniyang mga mata ay walang nakikitang kabaitan. 11 Kapag ang nangungutya ay naparusahan, ang mangmang ay nagiging matalino, at kapag ang taong marunong ay naturuan, nadadagdagan siya ng kaalaman. 12 Ang isang gumagawa ng tama ay binabantayan ang bahay ng masama; kaniyang dinadala ang masama sa kasiraan. 13 Ang isa na hindi dininig ang iyak ng mga mahihirap na tao, kapag siya din ay umiyak, hindi siya maririnig. 14 Ang lihim na regalo ay nagpapahupa ng galit at ang isang tagong regalo ay nag-aalis nang matinding galit. 15 Kapag ang katarungan ay tapos na, nagbibigay ito ng kagalakan sa gumagawa ng tama, ngunit ito ay nagdadala ng takot sa mga masasamang tao. 16 Ang siyang naliligaw sa daan ng pang-unawa, ay mamamahinga sa pagpupulong ng mga walang buhay. 17 Ang sinumang minamahal ang aliw ay magiging mahirap, ang taong minamahal ang alak at langis ay hindi magiging mayaman. 18 Ang masamang tao ay magiging katubusan sa gumagawa ng tama, at ang hindi tapat ay katubusan para sa matuwid. 19 Mas mabuti pang mamuhay sa disyerto kaysa makasama ang babaeng nagdudulot nang alitan at sobrang makapagreklamo. 20 Ang pinakamahal na yaman at langis ay nasa tahanan ng matalino, ngunit inaaksaya ito ng mangmang na lalaki. 21 Ang gumagawa ng tama at mabait—ang taong ito ay makasusumpong ng buhay, katuwiran at karangalan. 22 Isang matalinong tao ang pumunta laban sa lungsod nang makapangyarihan, at kaniyang ginigiba ang matibay na moog na nagtatanggol nito. 23 Sinumang nagbabantay sa kaniyang bibig at dila ay nag-iingat na hindi makasali sa gulo. 24 Ang hambog at mapagmataas na tao - "mangungutya" ang kaniyang pangalan - kumikilos nang may pagmamataas na kayabangan. 25 Ang pagnanais ng tamad ay pumapatay sa kaniyang sarili, dahil ang kaniyang mga kamay ay tumatanggi sa pagtatrabaho. 26 Buong araw siyang nagmimithi at nagmimithi nang labis, ngunit ang isang gumagawa ng tama ay nagbibigay at hindi nagpipigil. 27 Ang alay ng masamang tao ay kasuklam-suklam; ito ay mas kasuklam-suklam pa kapag dinala niya ito ng may masasamang motibo. 28 Ang hindi totoong saksi ay mamamatay, ngunit ang isang nakikinig ay magsasalita sa lahat ng oras. 29 Ang masamang lalaki ay ginagawa ang sarili na tila malakas, pero ang matuwid na tao ay maingat sa kaniyang mga kilos. 30 Walang karunungan, pag-unawa o payo na kayang makatalo kay Yahweh. 31 Ang kabayo ay handa para sa araw ng labanan, ngunit kay Yahweh ang tagumpay ay nabibilang.

Chapter 22

1 Ang isang magandang pangalan ay dapat piliin higit pa sa labis na kayamanan, at mas mainam ang kagandahan ng loob kaysa sa pilak at ginto. 2 Ang mayaman at mahirap na mga tao ay mayroong pagkakatulad— si Yahweh ang tagapaglikha nilang lahat. 3 Ang isang marunong na tao ay nakikita ang kaguluhan at itinatago ang kaniyang sarili, pero ang walang karanasan na mga tao ay magpapatuloy at magdurusa dahil dito. 4 Ang gantimpala sa pagpapakumbaba at takot kay Yahweh ay kayamanan, karangalan at buhay. 5 Ang mga tinik at mga patibong ay nakalatag sa daan ng sutil; kung sino man ang mag-ingat ng kaniyang buhay ay papanatilihing malayo mula sa kanila. 6 Turuan ang isang bata sa daan kung saan siya nararapat pumunta, at kapag siya ay matanda na hindi siya tatalikod mula sa bilin na iyon. 7 Ang mayayamang tao ay pinamumunuan ang mahihirap na tao, at ang isa na siyang humihiram ay isang alipin sa isa na siyang nagpapahiram. 8 Siyang naghahasik ng kasamaan ay mag-aani ng kaguluhan, at ang pamalo ng kaniyang matinding galit ay magiging walang pakinabang. 9 Ang isang mapagbigay na mata ay pagpapalain, sapagkat siya ay nagbabahagi ng kaniyang tinapay sa mahihirap. 10 Itaboy ang mangungutya at aalis ang alitan; ang mga hindi pagkakaunawaan at mga panlalait ay matitigil. 11 Ang siyang nagmamahal ng isang busilak na puso at ang salita ay magiliw, siya ay magiging kaibigan ng hari. 12 Ang mga mata ni Yahweh ay nanatiling nakamasid sa kaalaman, ngunit ibabagsak niya ang mga salita ng taksil. 13 Sinasabi ng tamad na tao, "Mayroong isang leon sa lansangan! Ako ay mapapatay sa mga hayag na lugar." 14 Ang bibig ng isang babaeng nangangalunya ay isang malalim na hukay; ang galit ni Yahweh ay sumiklab laban sa sinuman na mahulog dito. 15 Ang kahangalan ay nasa puso ng isang bata, pero ang pamalo ng pagdisiplina ay nagpapaalis dito. 16 Ang isa na siyang nagpapahirap sa mahihirap na tao para lumago ang kaniyang karangyaan, o nagbibigay para sa mayayamang tao, ay magiging isang mahirap. 17 Magbigay pansin at pakinggan ang mga salita ng mga matalino at idulog ang iyong puso sa aking kaalaman, 18 dahil magiging kaaya-aya ito para sa iyo kung panatilihin mo ang mga ito sa iyo, kung lahat ng ito ay handa sa iyong mga labi. 19 Sa gayon, mailagak kay Yahweh ang iyong tiwala, ituturo ko ang mga ito sa inyo ngayon— maging sa iyo. 20 Hindi ko ba naisulat sa iyo ang tatlumpung kasabihan ng tagubilin at kaalaman, 21 para ituro sa iyo ang katotohanan sa mga mapagkakatiwalaang mga salitang ito, sa gayon maaaring kang makapagbigay ng mapagkakatiwalaang mga sagot sa mga nagpadala sa iyo? 22 Huwag mo pagnakawan ang mahirap na tao, dahil siya ay mahirap, o wasakin ang nangangailangang tao sa tarangkahan, 23 dahil si Yahweh ang mangangatwiran sa kanilang kaso, at nanakawin niya ang buhay na siyang nagnakaw sa kanila. 24 Huwag ka makipagkaibigan sa isang tao na siyang pinamumuan ng galit, at huwag kang sumama sa isang nagagalit nang labis, 25 o matututunan mo ang kaniyang mga pamamaraan, at papaluputan mo ang iyong sarili sa isang patibong. 26 Huwag kang makiisa sa nagbibigay ng nakakagapos na mga panunumpa tungkol sa pera, at huwag kang magbibigay ng kasiguraduhan para sa mga pagkakautang ng iba. 27 Kung kulang ka ng pamamaraan para magbayad, ano ang makakapigil sa isang tao mula sa pagkuha ng iyong higaan mula sa iyo? 28 Huwag mong alisin ang sinaunang batong nagtatakda ng hangganan na inalagay ng iyong mga ama. 29 Nakikita mo ba ang isang bihasang lalaki sa kaniyang gawain? Siya ay tatayo sa harapan ng mga hari; hindi siya tatayo sa harapan ng pangkaraniwang mga tao.

Chapter 23

1 Kapag ikaw ay umupo para kumain kasama ang isang pinuno, magmasid ng mabuti kung ano ang nasa harap mo, 2 at maglagay ng isang kutsilyo sa iyong lalamunan kung ikaw ay isang tao na gustong kumain ng maraming mga pagkain. 3 Huwag naisin ang kaniyang napakasarap na pagkain, dahil ito ay pagkain nang kasinungalingan. 4 Huwag magtrabaho ng sobrang hirap para lang ikaw ay maging mayaman; maging marunong para malaman kung kailan titigil. 5 Kapag ang iyong mga mata ay nagliliwanag sa pera, nawala na ito, at bigla itong nagkakaroon ng mga pakpak at lumilipad sa himpapawid tulad ng isang agila. 6 Huwag kakainin ang pagkain ng isang masamang tao- isang tao na nakatingin nang napakatagal sa iyong pagkain- at huwag naisin ang kaniyang masarap na mga pagkain, 7 sapagkat siya ang uri ng tao na inaalam ang halaga ng pagkain. "Kumain at uminom!" sabi niya sa iyo, pero ang kaniyang puso ay wala sa iyo. 8 Iyong isusuka ang kakaunting kinain mo, at sasayangin mo ang iyong mga mabubuting sasabihin. 9 Huwag magsasalita na naririnig ng isang mangmang, sapagkat kaniyang hahamakin ang karunungan ng iyong mga salita. 10 Huwag mong aalisin ang sinaunang hangganang bato o angkinin ang mga bukirin ng mga ulila, 11 sapagkat ang kanilang Tagapagligtas ay malakas, at ipangangatuwiran niya ang kanilang kapakanan laban sa iyo. 12 Ilagay ang iyong puso sa pagtuturo at buksan ang iyong mga tainga sa mga salita ng karunungan. 13 Huwag pigilin ang disiplina sa isang bata, 14 dahil kung siya ay iyong papaluin, siya ay hindi mamamatay. Kung siya ay iyong papaluin, iyong ililigtas ang kaniyang kaluluwa mula sa sheol. 15 Aking anak, kung ang iyong puso ay marunong, sa gayon ang aking puso ay magiging masaya rin; 16 ang aking kaloob-looban ay magagalak kapag ang iyong labi ay magsasalita ng nang matuwid. 17 Huwag mong hayaang mainggit ang iyong puso sa mga makasalanan, pero magpatuloy sa takot kay Yahweh sa buong araw. 18 Siguradong may kinabukasan at ang iyong pag-asa ay hindi mapuputol. 19 Makinig, aking anak, at maging matalino at patnubayan ang iyong puso sa daan. 20 Huwag makikisama sa mga lasenggero, o sa mga matatakaw na kumakain ng karne, 21 dahil ang lasenggero at ang matakaw ay nagiging mahirap, at ang naiidlip ay madadamitan ng mga basahan. 22 Makinig sa iyong ama na nag-alaga sa iyo at huwag hamakin ang iyong ina kung matanda na siya. 23 Bilhin ang katotohanan, ngunit huwag itong ipagbili; bilhin ang karunungan, disiplina at pang-unawa. 24 Ang ama ng isang gumagawa ng matuwid ay labis na magagalak at siya na nag-alaga sa isang matalinong bata ay matutuwa sa kaniya. 25 Hayaang matuwa ang iyong ama at ang iyong ina at hayaang magsaya ang siyang nagsilang sa iyo. 26 Aking anak, ituon mo sa akin ang iyong puso, at hayaan mong mamasdan ng iyong mga mata ang aking mga paraan. 27 Dahil ang isang bayarang babae ay isang malalim na hukay at ang asawa ng ibang lalaki ay isang makitid na hukay. 28 Siya ay nag-aabang katulad ng isang magnanakaw at siya ay nagdadagdag ng bilang ng mga traydor sa sangkatauhan. 29 Sino ang may kasawian? Sino ang may kalungkutan? Sino ang may mga laban? Sino ang nagrereklamo? Sino ang may mga sugat na walang dahilan? Sino ang may matang namumula? 30 Silang sugapa sa alak, sila na sinusubukan ang pinaghalong alak. 31 Huwag tumingin sa alak kung ito ay mapula, kung ito ay kumikinang sa tasa at bumaba nang tuloy-tuloy. 32 Sa bandang huli ito ay tumutuklaw katulad ng isang ulupong at ito ay kumakagat tulad ng isang ahas. 33 Ang iyong mga mata ay makakakita ng kakaibang mga bagay at ang iyong puso ay magsasabi ng napakasamang mga bagay. 34 Ikaw ay magiging gaya ng isang natutulog sa mataas na karagatan o humihiga sa ibabaw ng isang duyan. 35 "Tinamaan nila ako!" iyong sasabihin, "pero ako ay hindi nasaktan. Binugbog nila ako, pero hindi ko ito naramdaman. Kailan ako magigising? Maghahanap ako ng isa pang maiinom."

Chapter 24

1 Huwag kang mainggit sa mga masasama, ni hangarin na makisama sa kanila, 2 dahil ang kanilang mga puso ay nagbabalak ng karahasan, at ang kanilang mga labi ay nag-uusap tungkol sa kaguluhan. 3 Sa pamamagitan ng karunungan ang isang bahay ay naitatayo at sa kaunawaan ito ay naitatatag. 4 Sa kaalaman ang mga silid ay puno ng lahat ng mga mamahalin at kaaya-ayang kayamanan. 5 Ang isang matalinong tao ay nagpapatunay na malakas, at ang isang taong mayroong kaalaman ay mas maigi kaysa sa isang malakas, 6 sapagkat sa matalinong mga utos kaya mong itaguyod ang iyong digmaan, at kasama ang maraming mga tagapangaral mayroong tagumpay. 7 Ang karunungan ay masyadong mataas para sa isang mangmang; sa tarangkahan hindi niya binubuksan ang kaniyang bibig. 8 Mayroong isang nagbabalak na gumawa ng masama— tinatawag siya ng mga tao na bihasa sa mga masamang balakin. 9 Ang isang hangal na hangarin ay kasalanan, at ang mga tao ay hinahamak ang nangungutya. 10 Kung ipinapakita mo ang iyong kaduwagan sa araw ng kaguluhan, kung gayon ang iyong lakas ay hindi sapat. 11 Sagipin mo silang mga inilalayo papunta sa kamatayan, at pigilan mo silang mga nalilito papunta sa pagpatay. 12 Kung sinabi mo, "Diyan! Wala kaming alam tungkol dito." Hindi ba't ang Siyang nagtitimbang ng puso ay naiintindihan kung ano ang sinasabi mo? At Siyang nagbabantay ng iyong buhay, hindi ba niya alam ito? At hindi ba ibibigay ng Diyos sa bawat isa kung ano ang karapat-dapat sa kaniya? 13 Aking anak, kumain ng pulot dahil ito ay mabuti, dahil ang mga katas ng pulut-pukyutan ay matamis sa iyong panlasa. 14 Katulad nito ang karunungan para sa iyong kaluluwa— kung nahanap mo ito, magkakaroon ng kinabukasan at ang iyong pag-asa ay hindi mapuputol. 15 Huwag kang mag-abang tulad ng mga masasamang tao na lumulusob sa bahay ng mga gumagawa ng mabuti. Huwag mong wasakin ang bahay niya! 16 Sapagkat kung ang isang taong gumagawa ng tama ay bumagsak ng pitong beses, siya ay tatayo muli, ngunit ang mga masasama ay ibabagsak ng kalamidad. 17 Huwag magdiwang kapag ang iyong kaaway ay bumagsak at huwag hayaan ang iyong puso ay magalak kapag siya ay nadapa, 18 o si Yahweh ay makikita at tututulan at tatalikuran ang kaniyang galit mula sa kaniya. 19 Huwag kang mag-alala dahil sa kanila na gumagawa ng mga masasamang bagay, at huwag kang mainggit sa mga masasamang tao, 20 sapagkat ang masamang tao ay walang kinabukasan, at ang ilawan ng masama ay mamamatay. 21 Matakot kay Yahweh, at matakot sa hari, aking anak; huwag makisama sa mga naghihimagsik laban sa kanila, 22 sapagkat darating nang biglaan ang kanilang kapamahakan at sino ang nakakaalam nang lawak ng pagkawasak na parehong darating mula sa kanila? 23 Ito rin ang mga kasabihan ng matalino. Ang pagkiling sa paghahatol ng isang kaso sa batas ay hindi mabuti. 24 Sinuman ang nagsasabi sa may kasalanan, "Ikaw ay nasa tama," ay susumpain ng mga tao at kapopootan ng mga bansa. 25 Pero sila na pinagsasabihan ang masama ay magkakaroon ng galak, at ang mga kaloob nang kabutihan ay darating sa kanila. 26 Ang isang nagbibigay ng tapat na sagot ay nagbibigay ng halik sa mga labi. 27 Ihanda mo ang iyong panlabas na gawain, at gawin mong handa ang lahat para sa iyong sarili sa bukirin; pagkatapos noon, itayo mo ang iyong bahay. 28 Huwag kang sumaksi laban sa iyong kapwa nang walang dahilan at huwag kang manlinlang gamit ang iyong mga labi. 29 Huwag mong sabihing, "Gagawin ko sa kaniya kung ano ang ginawa niya sa akin; babalikan ko siya dahil sa kaniyang ginawa." 30 Dumaan ako sa bukirin ng isang tamad na tao, lagpas sa ubasan ng taong walang isip. 31 Ang mga tinik ay tumubo sa lahat ng dako, ang lupa ay nababalot ng halamang matinik at ang batong pader nito ay sira. 32 Pagkatapos ay nakita ko at pinag-isipan ito; tumingin ako at nakatanggap ng katuruan. 33 Kaunting tulog, kaunting idlip, kaunting pagtitiklop ng mga kamay para magpahinga— 34 at ang kahirapan ay pupunta sa iyo tulad ng isang magnanakaw at ang iyong mga pangangailangan ay pupunta sa iyo tulad ng isang armadong sundalo.

Chapter 25

1 Ito ay mga karagdagan pang mga kawaikaan ni Solomon, na kinopya ng mga tauhan ni Hezekias, hari ng Juda. 2 Kaluwalhatian ng Diyos na ikubli ang isang bagay, pero kaluwalhatian ng mga hari na saliksikin ito. 3 Tulad ng kalangitan ay para sa taas at ang lupa para sa lalim, gayun din ang puso ng mga hari ay hindi malirip. 4 Alisin ang kalawang mula sa pilak, at magagamit ng panday ang pilak para sa kaniyang kasanayan. 5 Gayun din, alisin ang masamang mga tao mula sa harapan ng hari, at ang kaniyang trono ay maitatatag sa pamamagitan ng paggawa kung ano ang tama. 6 Huwag mong parangalan ang iyong sarili sa harapan ng hari, at huwag kang tumayo sa lugar na nakalaan para sa mga dakilang mga tao. 7 Mas mabuti para sa kaniya na sabihin sa iyo, "Umakyat ka rito," kaysa sa mapahiya ka sa harapan ng marangal na tao. Kung ano ang iyong nasaksihan, 8 huwag mo agad dalhin sa paglilitis. Dahil ano ang gagawin mo sa bandang huli, kapag pinahiya ka ng kapwa mo? 9 Ipangatwiran mo ang kaso mo sa kapwa mo mismo, at huwag ipaalam ang lihim ng isa pang tao; 10 kung hindi, ang isa na nakakarinig sa iyo ay magdadala ng kahihiyan sa iyo at ng masamang balita tungkol sa iyo na hindi mabibigyang katahimikan. 11 Ang pagsasabi ng salitang napili ng mabuti, ay katulad ng mga disenyo ng ginto na nakalagay sa pilak. 12 Katulad ng gintong singsing o alahas na gawa sa pinong ginto ay ang matalinong pagsaway sa nakikinig na tainga. 13 Tulad ng lamig ng niyebe sa oras ng pag-aani ay ang tapat na mensahero para sa mga nagpadala sa kaniya; ipinanunumbalik niya ang buhay ng kaniyang mga amo. 14 Tulad ng mga ulap at hangin na walang ulan ay ang taong nagmamalaki sa regalo na hindi niya binibigay. 15 Kapag may pagtitiis maaaring mahikayat ang isang pinuno, at ang malambot na dila ay kayang makabali ng buto. 16 Kapag nakahanap ka ng pulot, kumain ka lang ng sapat— kung hindi, ang kalabisan nito, ay isusuka mo. 17 Huwag mong ilagay ang iyong paa ng napakadalas sa bahay ng iyong kapwa, maaari siyang magsawa sa iyo at kamuhian ka. 18 Ang taong nagdadala ng huwad na patotoo laban sa kaniyang kapwa ay katulad ng pamalo na ginagamit sa digmaan, o isang espada, o isang matalim na palaso. 19 Ang taong hindi tapat na pinagkakatiwalaan mo sa oras ng gulo ay katulad ng sirang ngipin o isang nadudulas na paa. 20 Tulad ng tao na naghubad ng kaniyang damit sa malamig na panahon, o tulad ng suka na binuhos sa matapang na inumin, ang siyang umaawit ng mga kanta sa isang nabibigatang puso. 21 Kung nagugutom ang kaaway mo, bigyan mo siya ng makakain, at kung nauuhaw siya, bigyan mo siya ng tubig na maiinom, 22 dahil lalagyan mo siya sa kaniyang ulo ng isang pala ng umaapoy na uling, at gagantimpalaan ka ni Yahweh. 23 Gaya ng katiyakan na ang hanging mula sa hilaga ay may dalang ulan, ang taong naghahayag ng mga lihim ay nagpapagalit ng mga mukha. 24 Mas mabuti pa na mamuhay sa sulok ng bubungan kaysa sa makibahagi sa tahanan ng babaeng palaaway. 25 Tulad ng malamig na tubig sa taong uhaw, gayun din ang mabuting balita mula sa malayong bansa. 26 Tulad ng maruming batis o nasirang bukal ng tubig ang mabuting tao na naglalakad kasama ang masamang tao. 27 Hindi mabuting kumain ng napakaraming pulot; iyon ay parang naghahanap ng labis na karangalan. 28 Ang tao na walang pagpipigil sa sarili ay tulad ng lungsod na napasok at walang pader.

Chapter 26

1 Tulad ng niyebe sa tag-araw o ulan sa panahon ng tag-ani, ang isang hangal na hindi karapat-dapat sa karangalan. 2 Gaya ng isang maya na mabilis na nagpapalipat-lipat at ng layanglayang na humahagibis kapag sila ay lumilipad, gayundin hindi tatalab ang isang sumpa na hindi nararapat. 3 Ang latigo ay para sa kabayo, ang kabisada ay para sa asno, at ang pamalo ay para sa likod ng mga hangal. 4 Huwag sagutin ang isang hangal at sumali sa kanyang kahangalan, o magiging tulad ka niya. 5 Sumagot sa isang hangal at sumali sa kaniyang kahangalan upang hindi siya maging marunong sa kaniyang sariling paningin. 6 Sinumang magpadala ng isang mensahe sa pamamagitan ng kamay ng isang hangal ay pinuputol ang kaniyang sariling mga paa at umiinom nang karahasan. 7 Ang mga binti ng isang paralitiko na nakabitin ay tulad ng isang kawikaan sa bibig ng mga hangal. 8 Ang pagtatali ng bato sa isang tirador ay gaya ng pagbibigay karangalan sa isang hangal. 9 Ang halamang tinik na hawak ng isang lasing ay tulad ng isang kawikaan sa bibig ng mga hangal. 10 Ang isang mamamana na sumusugat ng lahat ay tulad ng isang umuupa ng isang hangal o ng kahit sinumang dumadaan. 11 Gaya ng isang asong bumabalik sa kanyang sariling suka, ganoon din ang isang hangal na inuulit ang kanyang kahangalan. 12 Nakikita mo ba ang taong marunong sa kanyang sariling paningin? Higit na may pag-asa ang isang hangal kaysa sa kanya. 13 Ang tamad na tao ay nagsasabing, "May isang leon sa kalsada! May isang leon sa pagitan ng mga lantad na lugar! 14 Kung paanong ang isang pinto ay bumabaling sa kaniyang bisagra, ang tamad na tao naman ay sa ibabaw ng kaniyang kama. 15 Nilalagay ng isang tamad na tao ang kaniyang kamay sa pagkain, pero wala siyang lakas na isubo ito sa kaniyang bibig. 16 Ang tamad na tao ay mas marunong sa kanyang paningin kaysa sa pitong lalaking may kakayahang kumilatis. 17 Tulad ng isang humahawak ng mga tainga ng isang aso ay isang taong dumadaan na nagagalit sa alitan na hindi kanya. 18 Tulad ng isang baliw na pumapana ng nagliliyab na mga palaso, 19 ay ang isang nandaraya ng kanyang kapwa at nagsasabing, "Di ba't nagbibiro lang ako?" 20 Dahil sa kakulangan ng gatong, namamatay ang apoy, at kung saan walang tsismoso, tumitigil ang pag-aaway. 21 Tulad ng isang uling na nagbabaga at panggatong ay sa apoy, ganoon din ang isang palaaway na tao na nagpapasiklab ng alitan. 22 Ang mga salita ng isang tsismoso ay tulad ng masarap na mga pagkain; bumababa sila sa kaloob-loobang mga bahagi ng katawan. 23 Ang pampakintab na bumabalot sa isang banga ay tulad ng nagbabagang mga labi at isang napakasamang puso. 24 Ang isang namumuhi sa iba ay kinukubli ang kanyang damdamin sa pamamagitan ng kaniyang mga labi at nag-iimbak ng panlilinlang sa kaniyang sarili. 25 Magiliw siyang mangungusap, pero huwag siyang paniwalaan, dahil may pitong mga pagkasuklam sa kaniyang puso. 26 Kahit na natatakpan ng panlilinlang ang kaniyang pagkamuhi, ang kaniyang kabuktutan ay malalantad sa kapulungan. 27 Sinumang gumagawa ng isang hukay ay mahuhulog dito at ang bato ay gugulong pabalik sa taong tumulak nito. 28 Ang isang nagsisinungaling na dila ay namumuhi sa mga taong dinudurog nito at ang nambobolang bibig ay nagiging dahilan ng pagkawasak.

Chapter 27

1 Huwag ipagyabang ang patungkol bukas, dahil hindi mo alam kung ano ang maaaring dala ng isang araw. 2 Hayaan mong purihin ka ng isang tao at hindi ang sarili mong labi; isang hindi mo kilala at hindi sa sarili mong mga labi. 3 Isaalang-alang ang mga kabigatan ng isang bato at ang timbang ng buhangin, at ang pagpapagalit ng isang hangal ay mas mabigat kaysa sa dalawa. 4 Mayroon kalupitan ang kapootan at baha ng galit, ngunit sino ang kayang makatatagal sa pagseselos? 5 Mas mabuti ang lantaran na pagsaway kaysa sa lihim na pag-ibig. 6 Tapat ang mga sugat na sanhi ng isang kaibigan, ngunit ang kaaway maaaring humalik sa iyo nang maraming beses. 7 Ang isang tao na kumain hanggang mabusog ay tinatanggihan kahit isang bahay-pukyutan, pero sa isang taong gutom, bawat mapait na bagay ay matamis. 8 Ang isang ibon na pagala-gala mula sa pugad nito ay katulad ng isang taong naliligaw sa kaniyang tinitirhan. 9 Ang pabango at insenso ay nagpapagalak ng puso, ngunit ang katamisan ng isang kaibigan ay mas mabuti pa sa kaniyang payo. 10 Huwag pababayaan ang iyong kaibigan at kaibigan ng iyong ama, at huwag pupunta sa bahay ng iyong kapatid sa araw ng iyong kalamidad. Mas mabuti ang isang kapwa na malapit kaysa sa isang kapatid na malayo. 11 Maging matalino, aking anak, at gawin mong masaya ang aking puso; pagkatapos sasagot ako sa taong kumukutya sa akin. 12 Ang isang maingat na tao ay nakikita ang gulo at itinatago ang kaniyang sarili, pero ang taong walang karanasan ay sumusulong at nagdurusa dahil dito. 13 Kunin ang isang kasuotan kung ang may-ari nito ay nagbibigay ng pera bilang panagot para sa utang ng isang hindi kilala; at kunin ito kung siya ay maglalagay ng panagot para sa isang nangangalunya. 14 Kung sinuman ang nagbibigay sa kaniyang kapwa ng isang pagpapala nang may isang malakas na tinig ng maagang-maaga, ang pagpapalang iyon ay ituturing na isang sumpa! 15 Ang isang nakikipag-away na asawang babae ay tulad ng pumapatak lagi sa araw na maulan; 16 ang pagpipigil sa kaniya ay tulad ng pagpipigil sa hangin, o sinusubukang huluhin ang langis sa iyong kanang kamay. 17 Bakal ang nagpapatalas sa bakal; gaya ng parehong paraan, ang isang tao ay nagpapatalas sa kaniyang kaibigan. 18 Ang isa na siyang nag-aalaga ng puno ng igos ang siyang kakain ng bunga nito, at ang isa na siyang nag-iingat sa kaniyang panginoon ay pararangalan. 19 Gayundin naman ang tubig na sumasalamin sa mukha ng isang tao, gayundin ang puso ng isang tao ay sinasalamin ang kaniyang pagkatao. 20 Gayundin naman ang sheol at Abaddon na hindi kailanman nasisiyahan, kaya ang mga mata ng isang tao ay hindi nasisiyahan kailanman.. 21 Ang tunawan ng bakal ay para sa pilak at ang isang hurno ay para sa ginto, at nasusubok ang isang tao kapag siya ay pinuri. 22 Kahit na durugin mo ang isang hangal ng pangbayo - -kasama ng butil -- gayon pa man hindi siya iiwanan ng kaniyang kahangalan. 23 Tiyakin na alam mo ang kalagayan ng iyong kawan at magmalasakit ka sa iyong mga kawan, 24 dahil ang kayamanan ay hindi panghabang panahon. Ang isang korona ba ay nanatili sa lahat ng mga henerasyon? 25 Ang damo ay nawawala at lumilitaw ang bagong tubo at tinipon ang pagkain ng baka sa kabundukan. 26 Ang mga tupa ay magbibigay ng iyong kasuotan, at ang mga kambing ay magbibigay ng halaga para sa bukid. 27 Magkakaroon ng gatas ng kambing para sa iyong pagkain--ang pagkain para sa iyong sambahayan--at pagkain para sa iyong mga aliping babae.

Chapter 28

1 Ang masamang tao ay tumatakbo kahit walang humahabol sa kanila, ngunit ang mga gumagawa ng tama ay kasintapang ng batang leon. 2 Dahil sa kasalanan ng isang lupain, ito ay papalit-palit ng mga pinuno, ngunit ang isang taong may pang-unawa at kaalaman, ito ay magtatagal sa mahabang panahon. 3 Ang taong dukha na nagpapahirap sa kapwa niya dukha ay tulad ng isang humahampas sa ulan na nag-iiwan ng walang pagkain. 4 Sila na mga tumalikod sa batas ay pinupuri ang masamang tao, ngunit silang nagpapanatili ng batas ay lumalaban sa kanila. 5 Ang mga masasamang tao ay hindi naiintindihan ang katarungan, ngunit sila na naghahanap kay Yahweh ay naiintindihan ang lahat ng bagay. 6 Mas mainam sa isang dukha na lumakad sa kaniyang katapatan, kaysa sa isang mayaman na baluktot sa kaniyang mga paraan. 7 Ang siyang nagpapanatili ng batas ay isang bata na may pang-unawa, ngunit ang isa na kasama ang mga matatakaw ay hinihiya ang kaniyang ama. 8 Siya na nagpapayaman sa pamamagitan nang labis na pagsingil ng tubo ay nag-iipon ng kaniyang yaman para sa iba na maaawa sa mga dukha. 9 Kung ang isa na hindi ibinaling ang kaniyang tainga sa pakikinig ng batas, kahit na ang kaniyang panalangin ay kasuklam-suklam. 10 Ang sinumang maglihis sa matuwid sa isang masamang paraan ay babagsak sa kaniyang sariling hukay, ngunit ang walang sala ay magkakaroon ng mabuting pamana. 11 Ang mayaman ay maaaring matalino sa kaniyang sariling mga mata, ngunit ang dukha na may pang-unawa ay matutuklasan siya. 12 Kung may katagumpayan sa mga gumawa ng kung ano ang tama, mayroong dakilang kaluwalhatian, ngunit kung ang masama ay bumangon, tinatago ng mga tao ang kanilang sarili. 13 Ang isa na nagtatago ng kaniyang mga kasalanan ay hindi yayaman, ngunit ang nagpapahayag at nagpapabaya sa kanila ay pakikitaan ng habag. 14 Masaya ang isa na laging namumuhay na may paggalang, ngunit ang sinumang nagmamatigas ng kaniyang puso ay babagsak sa kaguluhan. 15 Katulad ng isang umaatungal na leon o isang lumulusob na oso ang isang masamang pinuno sa lahat ng mga dukha. 16 Ang pinuno na nagkukukulang ng pang-unawa ay isang mabagsik na nagpapahirap, pero ang isa na namumuhi sa di matapat ay mapapahaba ang kaniyang mga araw. 17 Kung ang isang tao ay maysala dahil nagdanak siya ng dugo sa isang tao, siya ay magiging isang pugante hanggang sa kamatayan, at wala ni isa ang tutulong sa kaniya. 18 Ang sinumang maglalakad ng may katapatan ay pinapanatiling ligtas, pero ang isa na ang paraan ay baluktot ay biglang babagsak. 19 Ang isa na siyang nagtatrabaho sa kaniyang lupa ay magkakaroon ng maraming pagkain, pero ang sinumang sumusunod sa walang kabuluhang gawain ay magkakaroon ng maraming kahirapan. 20 Ang isang tapat na tao ay magkakaroon ng malaking mga biyaya, ngunit ang nagmamadaling yumaman ay tiyak na hindi makaka-iwas sa kaparusahan. 21 Hindi mabuti magpakita nang may pinapanigan, ngunit para sa isang pirasong tinapay ang isang tao ay maaaring gumawa ng masama. 22 Ang isang maramot na tao ay nagmamadaling yumaman, pero hindi niya alam na ang kahirapan ay darating sa kaniya. 23 Sinumang nagsasaway sa isang tao ay makakahanap nang higit na pabor mula sa kaniya kaysa sa mga pumupuri sa kaniya gamit ang kaniyang dila. 24 Sinumang magnanakaw sa kaniyang ama at kaniyang ina at sasabihing, "hindi iyon kasalanan," kasama siya ng mga maninira. 25 Ang taong sakim ay lumilikha nang away, ngunit ang isa na nagtitiwala kay Yahweh ay magtatagumpay. 26 Ang isa na nagtitiwala sa kaniyang sariling puso ay isang hangal, pero ang isang lumalakad sa karunungan ay lalayo mula sa kapahamakan. 27 Ang nagbibigay sa mahirap ay hindi magkukulang, pero sinumang magsara ng kaniyang mga mata sa kanila ay tatanggap ng maraming mga sumpa. 28 Kapag nagtagumpay ang mga masasamang tao, itinatago ng mga tao ang kanilang mga sarili, kung masusugpo ang masasamang tao, dadami ang gumagawa ng tama.

Chapter 29

1 Ang isang tao na nakatanggap ng maraming pagsasaway pero pinatitigas ang kaniyang leeg ay mababali sa isang sandali na hindi na mapapagaling. 2 Kapag silang mga gumagawa ng tama ay umaangat, ang mga tao ay nagdidiwang, pero kapag ang isang masamang tao ang namuno, ang mga tao ay maghihinagpis. 3 Sinuman ang nagmamamahal sa karunungan ay nagagawa ang kaniyang ama na magdiwang, ngunit ang isang nananatiling kasama ang mga masasamang tao ay sinisira ang kaniyang kayamanan. 4 Ang hari ay itinatatag ang lupa sa pamamagitan ng katarungan, ngunit wawasakin ito ng isang humuhingi ng suhol. 5 Ang isang tao na pumupuri sa kaniyang kapit-bahay ay inilalatag ang isang lambat para sa kaniyang mga paa. 6 Ang isang masamang tao ay nahuli sa isang patibong sa pamamagitan ng kaniyang sariling kasalanan, pero ang isang gumagawa ng tama ay umaawit at nagsasaya. 7 Siyang gumagawa ng tama ay nakikiusap sa kapakanan ng mahirap; ang masamang tao ay hindi naiintindihan ang ganyang kaalaman. 8 Inilalagay ng mga mangungutya ang isang lungsod sa apoy, pero silang mga matatalino ay nag-aalis ng poot. 9 Kapag nakikipagtalo ang isang taong matalino sa isang mangmang, siya ay galit na galit at natatawa at ito ay walang tigil. 10 Ang uhaw sa dugo ay galit sa isang walang kasalanan at hinahanangad ang buhay nang matuwid. 11 Ang isang mangmang ay ipinahahayag ang lahat ng kaniyang galit, pero ang isang taong matalino ay pinipigilan ito at kinakalma ang kaniyang sarili. 12 Kung ang isang pinuno ay nagbibigay pansin sa mga kasinungalingan, lahat ng kaniyang mga opisyal ay magiging masama. 13 Ang taong mahirap at mapang-api ay magkatulad, sapagkat si Yahweh ay parehong nagbibigay liwanag sa kanilang mga mata. 14 Kung ang isang hari ay humahatol sa mga mahihirap sa pamamagitan ng katotohanan, ang kaniyang trono ay maitatatag nang walang hanggan. 15 Ang pamalo at pagsaway ay nagbibigay ng karunungan, pero ang isang batang malaya mula sa pagdidisiplina ay inilalagay ang kaniyang ina sa kahihiyan. 16 Kapag ang mga masasamang tao ay nasa kapangyarihan, ang pagsuway ay dumadami, ngunit sila na gumagawa nang matuwid ay makikita ang pagbagsak ng taong masama. 17 Disiplinahin ang inyong anak at bibigyan ka niya nang kapahingahan; bibigyan ka niya ng mga kagalakan sa inyong buhay. 18 Kapag walang pahayag na pangitain, ang mga tao ay mamumuhay nang marahas, ngunit pinagpala ang isang pinapanatili ang batas. 19 Ang isang alipin ay hindi maitatama ng mga salita, dahil kahit na naintindihan niya, walang magiging tugon. 20 Tingnan ang isang tao na padalus-dalos sa kaniyang mga salita? Mayroong higit pang pag-asa para sa isang taong mangmang kaysa sa kaniya. 21 Ang siyang nagbibigay ng layaw sa kaniyang alipin mula sa kaniyang pagkabata, sa huli nito ay magkakaroon ng kaguluhan. 22 Ang isang taong galit ay pumupukaw ng away at ang isang pinuno ng pagkapoot ay gumagawa ng maraming kasalanan. 23 Ang pagmamataas ng isang tao ay ang magdadala sa kaniya pababa, pero ang siyang may mapagpakumbabang kalooban ay bibigyan nang karangalan. 24 Ang siyang nakikibahagi sa isang magnanakaw ay nasusuklam sa kaniyang sariling buhay; naririnig niya ang sumpa at walang anumang sinasabi. 25 Ang takot ng tao ay gumagawa ng isang bitag, ngunit ang taong nagtitiwala kay Yahweh ay mapapangalagaan. 26 Marami ang humahanap sa mukha ng mga namumuno, ngunit kay Yahweh nanggagaling ang katarungan para sa kaniya. 27 Ang isang taong hindi makatarungan ay kasuklam-suklam sa kanilang mga gumagawa ng matuwid, ngunit ang isang may daang matuwid ay kasuklam-suklam sa mga taong masasama.

Chapter 30

1 Ang mga kasabihan ni Agur, anak na lalaki ni Jakeh—isang orakulo: Ipinahayag ng lalaking ito kay Itiel, kay Itiel at Ucal: 2 Tiyak na ako ay mas katulad ng isang hayop kaysa sa sinumang tao, at wala akong pang-unawa ng isang tao. 3 Hindi ko natutunan ang karunungan, ni mayroon akong kaalaman ng Tanging Banal. 4 Sino ang umakyat sa langit at bumaba? Sino ang nagtipon ng hangin sa ilalim ng kaniyang mga kamay? Sino ang nagtipon ng mga tubig sa balabal? Sino ang nagtatag ng lahat ng mga hangganan ng lupa? Ano ang kaniyang pangalan, at ano ang pangalan ng kaniyang anak? Tiyak na alam mo! 5 Bawat salita ng Diyos ay nasubok, siya ay isang panangga sa mga nagkukubli sa kaniya. 6 Huwag magdagdag sa kaniyang mga salita, o pagsasabihan ka niya at ikaw ay mapapatunayang isang sinungaling. 7 Dalawang bagay ang hinihingi ko sa iyo, huwag mo silang ipagkait sa akin bago ako mamatay. 8 Ilayo mo sa akin ang kayabangan at kasinungalingan. Bigyan mo ako ng hindi kahirapan ni kayamanan, bigyan mo lamang ako ng pagkain na aking kailangan. 9 Dahil kung mayroon akong labis, itatanggi kita at sasabihin, "Sino si Yahweh?" O kung ako ay magiging mahirap, magnanakaw ako at lalapastanganin ko ang pangalan ng aking Diyos. 10 Huwag mong siraan ng puri ang isang alipin sa harapan ng kaniyang panginoon, o isusumpa ka niya at papaniwalaang ikaw ang may kasalanan. 11 Ang isang salinlahi na sinusumpa ang kanilang ama at hindi pinagpapala ang kanilang ina, 12 iyan ang isang salinlahi na dalisay sa kanilang sariling mga mata, ngunit hindi sila nahugasan sa kanilang karumihan. 13 Iyan ang isang salinlahi—gaano mapagmataas ang kanilang mga mata at ang kanilang takipmata ay nakaangat! — 14 sila ang isang salinlahi na ang mga ngipin ay mga espada, at kanilang mga panga ay mga kutsilyo, para lapain nila ang mahirap mula sa lupa at ang nangangailangan mula sa sangkatauhan. 15 Ang linta ay mayroong dalawang anak na babae, "Magbigay at magbigay," sigaw nila. May tatlong bagay na hindi kailanman nasisiyahan, apat na hindi kailanman nagsabing, "Tama na": 16 Ang Sheol, ang baog na sinapupunan, ang lupa na uhaw sa tubig, at ang apoy na hindi kailanman nagsabing, "Tama na." 17 Ang mata na nangungutya sa isang ama at nasusuklam sa pagsunod sa isang ina, ang kaniyang mga mata ay tutukain ng mga uwak sa lambak, at siya ay kakainin ng mga buwitre. 18 May tatlong bagay na labis na kamangha-mangha para sa akin, apat na hindi ko maintindihan: ang daan ng isang agila sa langit; 19 ang ginagawa ng isang ahas sa isang bato; ang ginagawa ng isang barko sa puso ng karagatan; at ang ginagawa ng isang lalaki kasama ang isang dalaga. 20 Ito ang ginagawa ng isang nangangalunyang babae— siya ay kumakain at kaniyang pinupunasan ang kaniyang bibig at sinasabi, "Wala akong ginawang mali." 21 Sa ilalim ng tatlong bagay ang lupa ay nayayanig, at ang pang-apat ay hindi na makakayanan nito: 22 ang isang alipin kapag siya ay naging hari; ang isang hangal kapag siya ay puno ng pagkain; 23 kapag ang isang kinamumuhian na babae ay nagpakasal; at kapag ang isang babaeng utusan ay pumalit sa pwesto ng kaniyang babaeng amo. 24 May apat na bagay sa lupa na malilit, pero napakatatalino: 25 ang mga langgam ay mga nilalang na hindi malalakas, pero hinahanda nila ang kanilang pagkain sa tag-araw; 26 ang mga kuneho ay hindi makapangyarihang nilalang, pero ginagawa nila ang kanilang mga tahanan sa mga batuhan. 27 Ang mga balang ay walang hari, pero lahat sila ay lumalakad ng maayos. 28 Para sa butiki, maaari mo itong hawakan ng iyong dalawang kamay, pero sila ay natatagpuan sa mga palasyo ng mga hari. 29 Mayroong tatlong bagay na marangal sa kanilang mahabang hakbang, apat na marangal kung paano lumakad: 30 ang isang leon, ang pinakamalakas sa mga mababangis na hayop— hindi ito tumatalikod mula sa kahit ano; ang isang tandang mayabang sa paglalakad; 31 isang kambing; at isang hari kung saan ang mga sundalo ay nasa tabi niya. 32 Kung ikaw ay naging hangal, dinadakila ang iyong sarili, o kung ikaw ay nag-iisip ng kasamaan— ilagay mo ang iyong kamay sa iyong bibig. 33 Katulad ng hinalong gatas na nakakagawa ng mantikilya, at katulad ng ilong ng sinuman na magdurugo kapag piningot, kaya ang gawain na ginawa sa galit ay lumilikha nang kaguluhan.

Chapter 31

1 Ang mga salita ni Haring Lemuel—ang pananalita na itinuro ng kaniyang ina sa kaniya. 2 Ano, aking anak? At ano, anak sa aking sinapupunan? At ano, anak ng aking mga panata? — 3 Huwag mong ibigay ang lakas mo sa mga babae, o ang mga kaparaanan mo sa mga naninira sa mga hari. 4 Hindi ito para sa mga hari, Lemuel, hindi para sa mga hari ang uminom ng alak, ni para sa mga namumuno ang magtanong, "Nasaan ang matapang na inumin? 5 Dahil kung sila ay iinom, makakalimutan nila kung ano ang naisabatas, at mababaluktot ang mga karapatan ng lahat ng mga naghihirap. 6 Bigyan ang mga taong nasasawi ng inuming matapang at alak sa mga taong may mapait na kalungkutan. 7 Iinom siya at makakalimutan niya ang kaniyang kahirapan, at hindi niya maaalala ang kaniyang kabalisahan. 8 Magsalita ka para sa mga hindi nakakapagsalita, para sa mga kapakanan ng lahat ng mga napapahamak. 9 Magpahayag at humatol sa pamamagitan ng panukat na matuwid at ipagtanggol ang kapakanan ng mga mahihirap at ng mga taong nangangailangan. 10 Sino ang makatatagpo ng may kakayahang asawang babae? Ang halaga niya ay higit sa mamahaling hiyas. 11 Ang puso ng kaniyang asawang lalaki ay nagtitiwala sa kaniya, at kailanman hindi siya maghihirap. 12 Mga mabubuting bagay ang ginagawa niya para sa kaniya at hindi masama sa lahat ng mga araw ng kaniyang buhay. 13 Pumipili siya ng balahibo at lana at gumagawa ng may kasiyahan ang kaniyang mga kamay. 14 Katulad siya ng mga barko ng mangangalakal; nagdadala siya ng pagkain mula sa malayo. 15 Bumabangon siya habang gabi pa at nagbibigay ng pagkain sa kaniyang sambahayan, at ipinamamahagi niya ang mga gawain sa kaniyang mga aliping babae. 16 Isinasaalang-alang niya ang bukirin at ito ay binibili, sa pamamagitan ng bunga ng kaniyang mga kamay, nakapagtanim siya ng ubasan. 17 Dinadamitan niya ang kaniyang sarili ng lakas at pinalalakas niya ang kaniyang mga braso. 18 Nauunawaan niya kung ano ang magbibigay ng malaking kita para sa kaniya; buong gabi ay hindi namatay ang kaniyang lampara. 19 Inilalagay niya ang kaniyang mga kamay sa ikiran, at buhol na sinulid ay kaniyang hinahawakan. 20 Ang mga taong mahihirap ay inaabot niya ng kaniyang kamay; ang mga taong nangangailangan ay inaabot niya ng kaniyang mga kamay. 21 Hindi siya natatakot sa lamig ng niyebe para sa kaniyang sambahayan, dahil ang kaniyang buong sambahayan ay nababalot ng pulang makapal na kasuotan. 22 Gumagawa siya ng mga sapin para sa higaan niya at mga lilang damit na pinong lino ang sinusuot niya. 23 Ang kaniyang asawa ay kilala sa mga tarangkahan, kapag umuupo siya kasama ng mga nakatatanda sa bayan. 24 Gumagawa at nagbebenta siya ng linong kasuotan, at nagmumula sa kaniya ang mga sintas ng mga mangangalakal. 25 Ang kalakasan at karangalan ay suot niya, at sa oras na darating, siya ay tumatawa. 26 Binubuksan niya ang kaniyang bibig ng may karunungan, at nasa kaniyang dila ang batas ng kabaitan. 27 Binabantayan niya ang pamamaraan ng kaniyang sambahayan at hindi kumakain ng tinapay ng pagkabatugan. 28 Ang kaniyang mga anak ay babangon at tinatawag siyang pinagpala; ang kaniyang asawang lalaki ay pupurihin na nagsasabing, 29 "Maraming mga babae ang gumawa ng mabuti, ngunit hinihigitan mo silang lahat." 30 Ang pagiging elegante ay mapanlinlang, ang kagandahan ay walang kabuluhan, pero ang babaeng may takot kay Yahweh ay mapapapurihan. 31 Ibigay mo sa kaniya ang bunga ng mga kaniyang kamay, at hayaan mong ang kaniyang mga gawa, sa mga tarangkahan, siya ay papurihan.