Mga Taga-Colosas
Chapter 1
1 Ako si Pablo, isang apostol ni Cristo Jesus sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, at si Timoteo na ating kapatid, 2 sa mga mananampalataya at tapat na mga kapatid kay Cristo na nasa Colosas. Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaan mula sa ating Diyos Ama. 3 Kami ay nagpapasalamat sa Diyos, ang Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo, at kami ay laging nananalangin para sa inyo. 4 Nabalitaan namin ang inyong pananampalataya kay Cristo Jesus at ang pag-ibig na mayroon kayo para sa lahat ng mga inilaan sa Diyos. 5 Taglay ninyo ang pag-ibig na ito dahil sa tiyak na pag-asang nakalaan para sa inyo sa kalangitan. Narinig ninyo ang tiyak na pag-asang ito noon sa salita ng katotohanan, ang ebanghelyo 6 na nakarating sa inyo. Ang ebanghelyo na ito ay namumunga at lumalago sa buong mundo. Ginagawa rin ito sa inyo mula sa araw na narinig ninyo ito at natutunan ang tungkol sa biyaya ng Diyos sa katotohanan. 7 Ito ang ebanghelyo na natutunan ninyo kay Epafras, ang ating minamahal na kapwa-lingkod, na isang tapat na lingkod ni Cristo sa ngalan namin. 8 Ipinaalam sa amin ni Epafras ang inyong pag-ibig sa Espiritu. 9 Dahil sa pag-ibig na ito, mula sa araw na narinig namin ito, hindi kami tumigil na manalangin para sa inyo. Hinihiling namin na kayo ay mapuspos ng kaalaman ng kaniyang kalooban sa lahat ng karunungan at pang-unawang espirituwal. 10 Ipinapanalangin namin na lumakad kayo na karapat- dapat sa Panginoon sa mga kalugod-lugod na paraan. Ipinapanalangin namin na mamunga kayo sa bawat mabubuting gawa at ng lumago kayo sa inyong kaalaman sa Diyos. 11 Ipinapanalangin namin na mapalakas kayo sa bawat kakayahang naaayon sa kapangyarihan ng kaniyang kaluwalhatian tungo sa lahat ng pagtitiyaga at pagtitiis. 12 Ipinapanalangin namin na kayo ay magpapasalamat ng may galak sa Ama, na siyang nagkaloob sa inyo na makibahagi sa mga kayamanan ng mga mananampalataya sa liwanag. 13 Sinagip niya tayo mula sa pamamahala ng kadiliman at inilipat tayo sa kaharian ng kaniyang minamahal na Anak. 14 Sa kaniyang Anak mayroong tayong katubusan, ang kapatawaran ng mga kasalanan. 15 Ang anak ay ang larawan ng hindi nakikitang Diyos. Siya ang unang anak sa lahat ng mga nilikha. 16 Sapagkat sa pamamagitan niya nilikha ang lahat ng bagay, ang mga nasa langit at ang mga nasa lupa, ang mga nakikita at ang mga hindi nakikita. Maging mga trono o pamahalaan o pamunuan o kapangyarihan, ang lahat ng bagay ay nilikha sa pamamagitan niya at para sa kaniya. 17 Siya ang una sa lahat ng mga bagay, at sa kaniya ang lahat ng bagay ay nagkakaugnay. 18 At siya ang ulo ng katawan, ang iglesiya. Siya ang simula at ang unang anak mula sa mga patay, kaya siya ang pangunahin sa lahat ng mga bagay. 19 Sapagkat ang Diyos ay nalugod na ang kaniyang kaganapan ay nararapat na mamuhay sa kaniya, 20 at upang ipagkasundo sa kaniya ang lahat ng bagay sa pamamagitan ng Anak. Gumawa ang Diyos ng kapayapaan sa pamamagitan ng kaniyang dugo sa krus. Ipinagkasundo ng Diyos ang lahat ng bagay sa kaniyang sarili, maging ang mga bagay sa lupa o ang mga bagay sa kalangitan. 21 At kayo rin, sa isang pagkakataon ay mga taong hindi kilala ng Diyos, at mga kaaway niya sa kaisipan at masasamang mga gawa. 22 Ngunit pinagkasundo niya kayo ngayon sa kaniyang lupang katawan sa pamamagitan ng kamatayan. Ginawa niya ito upang iharap kayong banal, walang kapintasan at walang dungis sa kaniyang harapan, 23 kung kayo ay nagpapatuloy sa pananampalataya, matatag at matibay, hindi napapakilos palayo mula sa tiyak na inaasahan ng ebanghelyo na inyong narinig. Ito ang ebanghelyo na naipahayag sa bawat tao sa ilalim ng langit. Ito ang ebanghelyo kung saan, akong si Pablo ay naging isang lingkod. 24 Ngayon nagagalak ako sa aking mga paghihirap para sa inyo. At pinupunan ko sa aking laman anuman ang kakulangan sa mga paghihirap ni Cristo para sa kapakanan ng kaniyang katawan, na ang iglesiya. 25 Dahil sa iglesiyang ito kaya ako naging lingkod, ayon sa tungkulin mula sa Diyos na ibinigay sa akin para sa inyo upang punuin ang salita ng Diyos. 26 Ito ang lihim na katotohanan na itinago sa panahon at sa mga salinlahi. Ngunit nahayag ito ngayon sa mga naniniwala sa kaniya. 27 Ito ay para sa kanila na nais ng Diyos na makaalam kung ano ang mga kayamanan ng maluwalhating lihim na ito ng katotohanan sa mga Gentil. Ito ay si Cristo na nasa inyo, ang pagtitiwala ng kaluwalhatian sa hinaharap. 28 Siya ito na ating ipinapahayag. Pinagsasabihan natin ang bawat isa, at tinuturuan natin ang bawat isa ng may buong karunungan, upang maiharap natin ang bawat tao na ganap kay Cristo. 29 Dahil dito, ako ay gumagawa at nagpapakahirap ayon sa kaniyang kalakasan na kumikilos sa akin sa kapangyarihan.
Chapter 2
1 Sapagkat gusto kong malaman ninyo kung gaano kalaki ang paghihirap ko para sa inyo, para sa mga nasa Laodicea, at para sa marami pang hindi pa nakikita ang aking mukha ng harapan. 2 Gumagawa ako upang mapalakas ko ang kanilang kalooban sa pamamagitan ng pagsasama-sama sa pagmamahal at sa lahat ng kayamanan ng buong katiyakan ng pang-unawa, sa kaalaman tungkol sa lihim na katotohanan ng Diyos, na si Cristo. 3 Sa kaniya ay nakatago ang lahat ng kayamanan ng karunungan at kaalaman. 4 Sinasabi ko ito nang sa gayon ay walang manloko sa inyo sa pamamagitan ng mapanghikayat na pananalita. 5 At bagaman hindi niyo ako pisikal na kasama, kasama ninyo naman ako sa espiritu. Nagagalak akong makita ang inyong mahusay na kaayusan at ang kalakasan ng inyong pananampalataya kay Cristo. 6 Yamang tinanggap ninyo si Cristo ang Panginoon, lumakad kayong kasama niya. 7 Maging matatag kayong nakatanim sa kaniya, mabuo kayo sa kaniya. Magpakatibay kayo sa inyong pananampalataya tulad ng naituro sa inyo, at maging sagana kayo sa pagpapasalamat. 8 Tiyakin ninyong walang huhuli sa inyo sa pamamagitan ng pilosopiya at ang walang kabuluhang pagmamayabang ayon sa tradisyon ng mga tao, ayon sa mga elemento ng mundo, at hindi naaayon kay Cristo. 9 Sapagkat sa kaniyang katawan nabubuhay ang lahat ng kaganapan ng Diyos. 10 At napuno kayo sa kaniya. Siya ang ulo ng bawat kapangyarihan at kapamahalaan. 11 Sa kaniya, tinuli rin kayo sa pamamagitan ng pagtutuli na hindi ginagawa ng mga tao, ang pagtatanggal sa katawan ng laman, ngunit sa pagtutuli ni Cristo. 12 Inilibing kayong kasama niya sa bautismo. At sa kaniya ay ibinangon kayo sa pamamagitan ng pananampalataya sa kapangyarihan ng Diyos, na siyang nagbangon sa kaniya mula sa mga namatay. 13 noong kayo ay patay sa inyong mga pagkakasala at sa hindi pagkakatuli ng inyong laman, binuhay niya kayong kasama niya at pinatawad tayong lahat sa ating mga paglabag. 14 Binura niya ang nakasulat na tala ng mga pagkaka-utang at ang mga tuntunin na laban sa atin. Tinanggal niya ang lahat ng mga ito at ipinako ito sa krus. 15 Tinanggal niya ang mga kapangyarihan at mga kapamahalaan. Lantaran niya silang ibinunyag at dinala sila sa matagumpay na pagdiriwang sa pamamagitan ng kaniyang krus. 16 Kaya, huwag ninyong hayaang husgahan kayo ng iba sa pagkain o sa pag-inom, o tungkol sa araw ng pista o bagong buwan, o tungkol sa mga Araw ng Pamamahinga. 17 Ang mga ito ay anino ng mga bagay na darating, ngunit ang nilalaman ay si Cristo. 18 Huwag hayaang manakawan ang sinuman ng gantimpala dahil sa pagnanais ng kababaang-loob at sa pamamagitan ng pagsamba sa mga anghel. Ang taong katulad nito ay nananatili sa mga bagay na nakita niya at nagiging mapagmalaki sa pamamagitan ng kaniyang makalamang pag-iisip. 19 Hindi siya kumakapit sa ulo. Nagmumula sa ulo ang pagtutustos at pagsasama ng buong katawan, hanggang sa kaniyang mga kasu-kasuan at mga litid nito; lumalago ito kasama ang paglagong ibinigay ng Diyos. 20 Kung namatay kayo kasama ni Cristo sa mga elemento ng mundo, bakit kayo nabubuhay na parang obligado sa mundo: 21 "Huwag hawakan, o tikman, o kahit humipo"? 22 Nakalaan ang mga bagay na ito para sa masamang paggamit, ayon sa mga tagubilin at mga itinuro ng mga tao. 23 Ang mga patakarang ito ay may karunungan sa sariling-gawang relihiyon at pagpapakumbaba at kalupitan ng katawan. Ngunit wala itong halaga laban sa kalayawan ng laman.
Chapter 3
1 Kung itinaas kayo ng Diyos na kasama ni Cristo, hanapin ninyo ang mga bagay na nasa itaas, kung saan nakaupo si Cristo sa kanang kamay ng Diyos. 2 Isipin ninyo ang tungkol sa mga bagay na nasa itaas, at hindi tungkol sa mga bagay sa lupa. 3 Sapagkat namatay kayo at itinago ang inyong buhay kasama ni Cristo sa Diyos. 4 Kapag nagpakita si Cristo na siya ninyong buhay, makikita rin kayong kasama niya sa kaluwalhatian. 5 patayin ninyo ang mga bahagi na nasa mundo--pagnanasa sa laman, karumihan, matinding damdamin, masamang pagnanasa, at kasakiman, na pawang pagsamba sa diyus-diyosan. 6 Para sa mga bagay na ito kaya ang poot ng Diyos ay darating sa mga anak ng pagsuway. 7 Sa mga bagay na ito na minsan rin ninyong nilakaran ng namuhay kayo sa mga ito. 8 Ngunit ngayon dapat ninyong alisin ang lahat ng mga bagay na ito—poot, galit, mga masasamang layunin, mga pang-aalipusta at malaswang pananalita mula sa inyong bibig. 9 Huwag kayong magsinungaling sa isa't isa, sapagkat hinubad na ninyo ang lumang pagkatao kasama ang mga kaugalian nito. 10 Isinuot na ninyo ang bagong pagkatao na binago sa kaalamang naaayon sa larawan ng lumikha sa kaniya. 11 Sa kaalamang ito, walang Griyego at Judio, tuli at di-tuli, barbaro, Scythian, alipin, malayang tao, ngunit sa halip si Cristo ang lahat ng mga bagay at sa lahat ng mga bagay. 12 Kaya nga, taglayin ninyo, bilang mga pinili ng Diyos, banal at minamahal, mga daluyan ng awa, kabaitan, kapakumbabaan, kaamuhan at katiyagaan. 13 Magtiyaga sa bawat isa. Maging maawain sa bawat isa. Kung ang isa ay may hinaing laban sa isa pa, magpatawad kayo gaya ng pagpapatawad sa inyo ng Panginoon. 14 Higit sa lahat ng mga bagay na ito, magkaroon kayo ng pag-ibig na siyang bigkis ng pagiging isang ganap. 15 Hayaang maghari sa inyong mga puso ang kapayapaan ni Cristo. Para sa kapayapaang ito kaya tinawag kayo sa iisang katawan. Maging mapagpasalamat kayo. 16 Hayaang mamuhay ang salita ni Cristo ng masagana sa inyo. Buong karunungang turuan at pagsabihan ninyo ang isa't isa sa pamamagitan ng salmo at himno, at mga awiting espiritwal. Umawit kayo ng may pasasalamat sa inyong mga puso para sa Diyos. 17 At anuman ang inyong ginagawa sa salita man o sa gawa, gawin ninyo ang lahat sa pangalan ng Panginoong Jesus. Magpasalamat sa Diyos Ama sa pamamagitan niya. 18 Mga asawang babae, magpasakop kayo sa inyong mga asawa, dahil ito ang nararapat sa Panginoon. 19 Mga asawang lalaki, mahalin ninyo ang inyong mga asawa at huwag maging malupit laban sa kanila. 20 Mga anak, sundin ninyo ang inyong mga magulang sa lahat ng mga bagay, sapagkat nakalulugod ito sa Panginoon. 21 Mga ama, huwag ninyong labis na pagalitan ang inyong mga anak, upang hindi sila panghinaan ng loob. 22 Mga alipin, sundin ninyo ang inyong mga amo ayon sa laman sa lahat ng mga bagay, hindi lamang kapag may nakakakita upang magbigay lugod sa mga tao, ngunit nang may tapat na puso. Matakot kayo sa Panginoon. 23 Anuman ang inyong ginagawa, gumawa kayo mula sa kaluluwa na para sa Panginoon at hindi para sa mga tao. 24 Nalalaman ninyong tatangap kayo mula sa Panginoon ng gantimpala ng pagkamit nito. Ito ay ang Cristong Panginoon na inyong pinaglilingkuran. 25 Sapagkat sinumang gumawa ng hindi matuwid ay tatanggap ng kabayaran para sa hindi matuwid na kaniyang ginawa at wala ditong pinapanigan.
Chapter 4
1 Mga panginoon, ibigay ninyo sa mga alipin kung ano ang nararapat at makatarungan. Alam ninyo na mayroon din kayong Panginoon sa langit. 2 Taimtim na magpatuloy sa panalangin. Manatiling handa sa pasasalamat. 3 Manalangin kayo ng sama-sama para sa amin, na magbukas ang Diyos ng pagkakataon para sa kaniyang salita upang sabihin ang lihim na katotohanan ni Cristo. Dahil dito, iginapos ako. 4 At manalangin na magawa ko ito ng malinaw gaya ng nararapat kong sabihin. 5 Lumakad sa karunungan para sa mga hindi mananampalataya at pahalagahan ang pagkakataon. 6 Ang inyong pananalita nawa ay laging may biyaya, na magkalasang asin, upang malaman ninyo kung paano dapat sumagot sa bawat tao. 7 Para sa mga bagay na may kinalaman sa akin, si Tiquico ang magpapaalam ng mga ito sa inyo. Siya ay isang minamahal na kapatid, tapat na lingkod at kapwa alipin sa Panginoon. 8 Pinapunta ko siya sa inyo para rito, upang malaman ninyo ang mga bagay tungkol sa amin at upang mapalakas niya ang inyong mga puso. 9 Pinapunta ko siya kasama ni Onesimo, ang tapat at minamahal na kapatid, na isa sa inyo. Sasabihin nila sa inyo ang lahat ng nangyari dito. 10 Binabati kayo ni Aristarco na aking kapwa bilanggo, pati na rin si Marcos, ang pinsan ni Barnabas tungkol sa kung saan natanggap ninyo ang mga kautusan, "Kung pupunta siya sa inyo tanggapin ninyo siya," 11 at si Jesus na tinatawag din nilang Justu. Sila lamang sa pagtutuli ang kapwa ko manggagawa para sa kaharian ng Diyos. Sila ang nakapagbigay ng kaginhawaan sa akin. 12 Binabati kayo ni Epafras. Isa siya sa inyo at isang alipin ni Cristo Jesus. Lagi siyang nagsisikap na manalangin para sa inyo, upang tumayo kayong ganap at punong-puno ng katiyakan sa lahat ng kalooban ng Diyos. 13 Sapagkat naging saksi ako sa kaniya, nagpakahirap siyang gumagawa para sa inyo, para sa mga nasa Laodicea at Hierapolis. 14 Bumabati sa inyo si Demas at si Lucas na minamahal na manggagamot. 15 Batiin mo ang mga kapatid sa Laodicea, si Nimfas at sa iglesiya na nasa kaniyang bahay. 16 Kapag nabasa na ang sulat na ito sa inyo, basahin din ninyo ito sa iglesia ng mga taga-Laodicea at siguraduhin din ninyong nabasa ang liham mula sa Laodicea. 17 Sabihin ninyo kay Archipus, "Tingnan mo ang gawain na iyong natanggap sa Panginoon, na dapat mong tapusin ito." 18 Ang pagbating ito ay sa pamamagitan ng aking sariling kamay—Pablo. Alalahanin ninyo ang aking mga kadena. Sumainyo nawa ang biyaya.