Mikas
Chapter 1
1 Ito ang salita ni Yahweh na dumating kay Mikas na Morastita sa mga araw nina Jotam, Ahaz at Hezekias na mga hari ng Juda, ang salita na kaniyang nakita tungkol sa Samaria at Jerusalem. 2 Makinig, lahat kayong mga tao. Makinig ka lupa at ang lahat ng nasa iyo. Hayaan na ang Panginoong si Yahweh ang maging saksi laban sa iyo, ang Panginoon na mula sa kaniyang banal na templo. 3 Tingnan ninyo, lalabas si Yahweh sa kaniyang lugar; bababa siya at tatapakan ang mga dambana ng pagano sa lupa. 4 Matutunaw ang mga bundok sa ilalalim niya; mahahati ang mga lambak gaya ng pagkit sa harap ng apoy, gaya ng mga tubig na bumuhos sa isang matarik na lugar. 5 Ang lahat ng ito ay dahil sa paghihimagsik ni Jacob at dahil sa mga kasalanan ng sambahayan ng Israel. Ano ang dahilan ng paghihimagsik ni Jacob? Hindi ba ang Samaria? Ano ang dahilan ng mga dambana ni Juda? Hindi ba ang Jerusalem? 6 "Gagawin ko ang Samaria na isang bunton ng pagkawasak sa parang, gaya ng isang lugar para sa taniman ng mga ubas. Hihilahin ko ang mga bato ng kaniyang gusali sa lambak; Bubuksan ko ang kaniyang mga pundasyon. 7 Ang lahat ng kaniyang mga larawang inukit ay magkakadurog-durog at lahat ng kaloob sa kaniya ay masusunog. Ang lahat ng kaniyang mga diyus-diyosan ay aking wawasakin. Sapagkat sa mga kaloob sa kaniyang prostitusyon ay tinipon niya ang mga ito at babalik ang mga ito bilang kabayaran sa babaeng nagbebenta ng aliw." 8 Sa kadahilanang ito, mananaghoy ako at tatangis; Pupunta akong nakapaa at nakahubad; Tatangis ako na gaya ng asong gubat at magdadalamhati na gaya ng mga kuwago. 9 Sapagkat walang lunas ang kaniyang mga sugat, sapagkat dumating sila sa Juda. Narating nila ang tarangkahan ng aking mga tao sa Jerusalem. 10 Huwag mong sabihin sa Gat ang tungkol dito; huwag na huwag kang iiyak. Sa Bet Leafra, pagugulungin ko ang aking sarili sa alikabok. 11 Dumaan kayo sa kahubaran at kahihiyan, mga taga-Safir. Huwag kayong lumabas mga taga-Zaanan. Nagdadalamhati ang Bethezel, sapagkat kinuha sa kanila ang proteksiyon. 12 Sapagkat balisang naghihintay sa magandang balita ang mga taga-Marot, dahil dumating ang sakuna mula kay Yahweh hanggang sa mga tarangkahan ng Jerusalem. 13 Isingkaw ang karwahe sa pangkat ng mga kabayo, mga taga-Laquis. Ikaw Laquis, ang pinagsimulan ng kasalanan para sa anak na babae ng Zion, sapagkat nasumpungan sa iyo ang mga pagsuway ng Israel. 14 Kaya magbibigay ka ng isang kaloob ng pamamaalam sa Moreset-Gat, bibiguin ng bayan ng Aczib ang mga hari ng Israel. 15 Mga taga-Maresa, dadalhin ko sa iyo ang kukuha ng mga pag-aari mo. Pupunta sa kuweba ng Adullam ang mga pinuno ng Israel. 16 Ahitan mo ang iyong ulo at gupitan ang iyong buhok para sa kinalulugdan mong mga anak. Kalbuhin mo ang iyong sarili gaya ng mga agila, sapagkat patuloy na dadalhin ng sapilitan ang iyong mga anak mula sa iyo.
Chapter 2
1 Aba sa mga nagbabalak ng kasamaan, sa mga nagbabalak sa kanilang higaan na gumawa ng masama. Isinasagawa nila ito sa pagliwanag ng umaga dahil mayroon silang kapangyarihan. 2 Naghahangad sila ng mga bukid at inaangkin ang mga ito; naghahangad sila ng mga bahay at kinukuha ang mga ito. Inaapi nila ang isang tao at ang kaniyang sambahayan, ang tao at ang kaniyang mana. 3 Kaya ito ang sinasabi ni Yahweh: "Tingnan ninyo, magdadala ako ng sakuna laban sa angkan na ito, kung saan hindi ninyo maiaalis ang inyong mga leeg. Hindi kayo makakalakad nang may kayabangan, sapagkat magiging isang panahon ito ng kasamaan. 4 Sa araw na iyon, ang inyong mga kaaway ay aawit ng isang awitin tungkol sa inyo at mananaghoy na may kasamang pagtangis. Aawit sila ng, 'Kaming mga Israelita ay ganap na nawasak, binabago ni Yahweh ang teritoryo ng aking mga (kababayan) tao. Paano niya ito aalisin mula sa akin? Ibinabahagi niya sa mga taksil ang aming mga bukid!'" 5 Kaya, kayong mga mayayamang tao ay hindi magkakaroon ng mga kaapu-apuhan na maghahati-hati ng lupain sa teritoryo sa kapulungan ni Yahweh. 6 "Huwag kayong magpahayag ng propesiya," sinasabi nila. "Hindi nila dapat ipahayag ang mga bagay na ito, hindi dapat dumating ang kahihiyan." 7 Dapat ba talaga itong sabihin, sambahayan ni Jacob, "Galit ba ang Espiritu ni Yahweh? Talaga bang gawa niya ang mga ito?" Hindi ba gumagawa ng kabutihan ang aking mga salita sa sinumang lumalakad nang matuwid? 8 Kamakailan lang, naghimagsik ang aking mga tao tulad ng isang kaaway. Inyong hinahablot ang balabal, ang kasuotan, mula sa mga dumadaan nang biglaan, gaya ng pagbalik ng mga kawal mula sa digmaan na kung saan iniisip nilang ligtas na. 9 Itinataboy ninyo ang mga babaeng nabibilang sa aking mga tao mula sa kanilang masasayang mga tahanan; kinukuha ninyo mula sa kanilang mga batang anak ang aking pagpapala magpakailanman. 10 Tumayo kayo at umalis, sapagkat hindi ito ang lugar kung saan maaari kayong manatili, dahil sa karumihan nito, nawasak ito nang lubusang pagkawasak. 11 Kung may sinumang pupunta sa inyo sa espiritu ng kabulaanan at kasinungalingan at sasabihin, "magpapahayag ako sa inyo ng propesiya tungkol sa alak at matapang na inumin," ituturing siyang isang propeta para sa mga taong ito. 12 Tiyak na titipunin ko kayong lahat, Jacob. Tiyak na titipunin ko ang mga natitirang Israelita. Dadalhin ko silang magkakasama tulad ng tupa sa isang kulungan, tulad ng isang kawan sa gitna ng kanilang pastulan. Magkakaroon ng malakas na ingay dahil sa napakaraming tao. 13 Mauuna sa kanila ang isang taong magbubukas ng kanilang daraanan. Bubuksan nila ang tarangkahan at lalabas, mauuna sa kanilang lalabas ang kanilang hari. Mauuna si Yahweh sa kanila.
Chapter 3
1 Sinabi ko, "Ngayon makinig kayong mga pinuno ni Jacob at mga tagapamahala sa sambahayan ng Israel. Hindi ba matuwid para sa inyo na unawain ang katarungan? 2 Kayong napopoot sa kabutihan at umiibig sa kasamaan, kayo na pumilas ng kanilang balat, ng kanilang laman mula sa kanilang mga buto-- 3 kayo rin na kumakain ng laman ng aking mga tao at pumipilas ng kanilang balat, bumabali ng kanilang mga buto at tumatadtad sa mga ito, tulad ng karne sa palayok, tulad ng karne sa kaldero. 4 At kayong mga tagapamahala ay dadaing kay Yahweh, ngunit hindi niya kayo sasagutin. Ikukubli niya ang kaniyang mukha mula sa inyo sa panahong iyon, dahil gumawa kayo ng mga masamang gawa." 5 Ito ang sinasabi ni Yahweh tungkol sa mga propeta na nagliligaw sa aking mga tao: "Sapagkat sinasabi nila sa mga nagpapakain sa kanila, 'Magkakaroon ng kasaganaan.' Ngunit para sa mga walang maisubo sa kanilang mga bibig, nagsisimula sila ng isang digmaan laban sa kaniya. 6 Kaya, ito ay magiging gabi sa inyo na hindi na kayo magkakaroon ng pangitain; ito ay magiging madilim upang hindi kayo makapanghuhula. Lulubog ang araw sa mga propeta at magdidilim ang umaga sa kanila. 7 Mapapahiya ang mga propeta at malilito ang mga manghuhula. Tatakpan nilang lahat ang kanilang mga labi, sapagkat walang sagot na magmumula sa akin." 8 Ngunit para sa akin, puno ako ng kapangyarihan sa pamamagitan ng Espiritu ni Yahweh at puno rin ako ng katarungan at lakas, upang ipahayag kay Jacob ang kaniyang pagsuway, at kay Israel ang kaniyang kasalanan. 9 Ngayon pakinggan ninyo ito, kayong mga pinuno ng sambahayan ni Jacob at mga tagapamahala sa sambahayan ng Israel, kayong napopoot sa katarungan at bumabaluktot sa lahat ng matuwid. 10 Itinayo ninyo ang Sion sa pamamagitan ng dugo at ang Jerusalem sa pamamagitan ng kasamaan. 11 Humahatol ang inyong mga pinuno para sa isang suhol, nagtuturo ang inyong mga pari para sa isang gantimpala at nanghuhula ang inyong mga propeta para sa pera. Gayunman, umaasa kayo kay Yahweh at sinasabi, "Hindi ba't kasama natin si Yahweh? Walang darating sa atin na kapahamakan." 12 Kaya, dahil sa inyo, aararuhin ang Sion tulad ng isang bukid, ang Jerusalem ay magiging isang bunton ng mga guho at magiging masukal na burol ang burol ng templo.
Chapter 4
1 Ngunit sa mga huling araw, mangyayari na ang bundok na kinatatayuan ng tahanan ni Yahweh ay itatatag sa ibabaw ng iba pang mga bundok. Ito ay dadakilain nang higit sa mga burol, at magpupuntahan ang mga tao rito. 2 Maraming bansa ang pupunta at sasabihin, "Halikayo, umakyat tayo sa bundok ni Yahweh, sa tahanan ng Diyos ni Jacob. Ituturo niya sa atin ang kaniyang mga kaparaanan at lalakad tayo sa kaniyang mga landas." Sapagkat mula sa Zion lalabas ang kautusan, at ang salita ni Yahweh mula sa Jerusalem. 3 Hahatulan niya ang karamihan sa mga tao at magpapasiya tungkol sa maraming bansa na malalayo. Papandayin nila ang kanilang mga espada upang maging mga talim ng araro at ang kanilang mga sibat upang maging mga kutsilyong pamutol. Ang bansa ay hindi na magtataas ng espada laban sa bansa, ni kailanman matututunan kung paano magsimula ng digmaan. 4 Sa halip, uupo ang bawat tao sa ilalim ng kaniyang tanim na ubas at sa ilalim ng kaniyang puno ng igos. Walang sinuman ang mananakot sa kanila, sapagkat nagsalita si Yahweh, ang pinuno ng mga hukbo. 5 Sapagkat lumalakad ang lahat ng tao, ang bawat isa, sa pangalan ng kanilang diyos. Ngunit lalakad tayo sa pangalan ni Yahweh na ating Diyos magpakailan pa man. 6 "Sa araw na iyon", sinabi ni Yahweh, "Pag-iisahin ko ang mga pilay at titipunin ko ang mga itinakwil, sila aking sinaktan. 7 Gagawin kong natitira ang mga pilay at ang mga itinaboy sa isang matatag na bansa, at Ako si Yahweh, ang maghahari sa kanila sa Bundok ng Zion ngayon at magpakailan man. 8 At ikaw, ang bantayan para sa kawan, ang burol ng anak na babae ng Zion, darating ito sa iyo— darating ang dating pamumuno, ang kaharian ng anak na babae ng Jerusalem. 9 Ngayon, bakit ka umiiyak nang malakas? Wala na ba sa iyo ang hari, namatay na ba ang iyong tagapayo, sumapit sa iyo ang matinding kirot katulad ng babaeng manganganak? 10 Magdusa ka at maghirap sa panganganak, anak na babae ng Zion, katulad ng isang babaeng nanganganak. Sapagkat ngayon aalis ka sa iyong lungsod, titira sa parang at pupunta sa Babilonia. Doon ay maliligtas ka. Ililigtas ka ni Yahweh doon mula sa kamay ng iyong mga kaaway. 11 Ngayon, maraming mga bansa ang nagtipon laban sa iyo; sabi nila, 'Hayaan siyang madungisan; ititig natin ang ating mga mata sa Zion."' 12 Sinabi ng propeta, Hindi nila alam ang mga kaisipan ni Yahweh, ni nauunawaan man ang kaniyang mga plano, sapagkat tinipon niya sila na gaya ng mga bigkis para sa giikan. 13 Sinabi ni Yahweh, "Tumindig ka at gumiik, anak na babae ng Zion, sapagkat gagawin kong bakal ang iyong sungay at gagawin kong tanso ang iyong mga kuko. Dudurugin mo ang maraming tao. Itatalaga ko ang kanilang mga kayamanan na kinuha sa hindi makatarungang pamamaraan at ang kanilang mga ari-arian sa akin, ako si Yahweh, ang Panginoon ng buong mundo."
Chapter 5
1 Ngayon ay humanay kayong lahat para sa labanan, mga taga-Jerusalem. Napapalibutan ng pader ang inyong lungsod, ngunit hahampasin nila ang pinuno ng Israel sa pisngi gamit ang isang pamalo. 2 Ngunit ikaw Bethlehem Efrata, kahit ikaw ay maliit sa mga angkan ni Juda, mula sa iyo ay may darating sa akin upang pamunuan ang Israel, na ang pinagmulan ay sa mga unang panahon, mula sa walang hanggan. 3 Kaya nga hahayaan na lang sila ng Diyos hanggang sa panahon na isang babae ang mahihirapan sa panganganak ng isang sanggol at ang iba niyang mga kapatid na lalaki ay babalik sa mga tao ng Israel. 4 Tatayo siya at ipapastol ang kaniyang kawan sa lakas ni Yahweh, sa kaluwalhatian ng pangalan ni Yahweh na kaniyang Diyos. Mananatili sila sapagkat magiging dakila siya sa bawat sulok ng mundo. 5 Siya ang magiging kapayapaan natin. Kung darating ang mga taga-Asiria sa ating lupain, kapag nagmartsa sila laban sa ating mga tanggulan, tatayo tayo laban sa kanila, pitong pastol at walong pinuno ng mga kalalakihan. 6 Pamumunuan ng mga kalalakihang ito ang lupain ng Asiria sa pamamagitan ng espada at ang lupain ng Nimrod dala ang mga espada sa kanilang mga kamay. Ililigtas niya tayo mula sa mga taga-Asiria kung darating sila sa ating lupain, kapag nagmamartsa sila sa loob ng ating mga hangganan. 7 Ang mga natitira mula kay Jacob ay mapapabilang sa maraming tao, tulad ng hamog mula kay Yahweh, tulad ng ambon sa mga damo na hindi naghihintay sa tao, hindi sa mga tao. 8 Ang mga natitira kay Jacob ay mapapabilang sa mga bansa, kasama ng maraming tao. Tulad ng isang leon na kasama ng mga hayop sa kagubatan, tulad ng isang batang leon na kasama sa mga kawan ng tupa. Kapag daraan siya sa kanila, sila ay kaniyang tatapakan at pagpipira-pirasuhin sila at walang sinuman ang makapagligtas sa kanila. 9 Maitataas ang inyong kamay laban sa inyong mga kaaway at wawasakin sila nito. 10 "Mangyayari ito sa araw na iyon," sinabi ni Yahweh "na aking wawasakin ang inyong mga kabayo kasama ninyo at gigibain ko ang inyong mga karwahe. 11 Wawasakin ko ang mga lungsod sa inyong lupain at pababagsakin ko ang inyong mga tanggulan. 12 Sisirain ko ang pangkukulam sa inyong kamay at hindi na kayo kailanman magkakaroon ng anumang manghuhula. 13 Sisirain ko ang mga imahen na inukit ng inyong mga kamay at ang mga batong haligi na kasama ninyo. Hindi na kayo kailanman sasamba sa mga ginawa ng inyong mga kamay. 14 Bubunutin ko ang haligi ni Ashera na kasama ninyo at wawasakin ko ang inyong mga lungsod. 15 Paiiralin ko ang paghihiganti sa galit at poot sa mga bansa na hindi nakikinig.
Chapter 6
1 Ngayon makinig kayo kung ano ang sinasabi ni Yahweh. Sinabi ni Mikas sa kaniya, "Tumayo ka at sabihin ang iyong paratang sa harap ng mga bundok, hayaang mapakinggan ng mga burol ang iyong tinig. 2 Makinig sa paratang ni Yahweh, kayong mga bundok at kayong matatag na pundasyon ng mundo. Sapagkat may paratang si Yahweh sa kaniyang mga tao at ipaglalaban niya sa hukuman laban sa Israel. 3 Aking mga tao, ano ang nagawa ko sa inyo? Paano ko kayo pinagod? Magpatotoo kayo laban sa akin! 4 Sapagkat inilabas ko kayo mula sa lupain ng Egipto at iniligtas ko kayo mula sa tahanan ng pagka-alipin. Pinadala ko si Moises, Aaron at Miriam sa inyo. 5 Aking mga tao, alalahanin ninyo ang mga inisip ni Balak na Hari ng mga Moab at ang sagot sa kaniya ni Balaam anak ni Boar sa iyong pagpunta sa Sitim hanggang Gigal upang malaman ninyo ang matuwid kong mga ginawa, si Yahweh." 6 Ano ang aking dadalhin kay Yahweh bilang pagpapakumbaba sa kataas-taasang Diyos? Pupunta ba ako sa kaniya na may dalang isang taong gulang na mga guyang susunugin upang ialay? 7 Malulugod ba si Yahweh sa isang libong lalaking tupa o kaya sampung libong mga ilog ng langis? Dapat ko bang ibigay ang aking unang anak para sa aking pagsuway, ang bunga ng aking katawan para sa aking sariling kasalanan? 8 Sinabi niya sa inyo, tao, kung ano ang mabuti at kung ano ang nais ni Yahweh mula sa iyo: Kumilos ng makatarungan, umibig na may kabaitan at lumakad na may pagpapakumbaba kasama ang inyong Diyos. 9 Gumagawa ng pagpapahayag ang tinig ni Yahweh sa mga lungsod, kahit ngayon kinikilala ng karunungan ang inyong pangalan: "Bigyang pansin ang pamalo at kung sino ang naglagay sa lugar nito. 10 Mayroong kayamanan sa mga tahanan ng mga masasamang hindi tapat at may mandarayang mga panukat na kasuklam-suklam. 11 Ituturing ko ba na walang sala ang isang tao kung gumagamit siya ng mapandayang panukat, kasama ang isang lalagyan na may dayang timbang? 12 Puno ng karahasan ang mga mayayaman, ang naninirahan sa kaniya ay nagsasalita ng kasinungalingan at mapanlinlang ang kanilang mga dila sa kanilang mga bibig. 13 Samakatuwid hinampas ko kayo ng isang malubhang sugat, winasak ko kayo dahil sa inyong mga kasalanan. 14 Kakain kayo ngunit hindi mabubusog, ang inyong kawalan ay mananatili sa iyo. Mag-iimbak ka ng mga pagkain ngunit hindi makapagtatabi at kung ano ang iyong itinabi ay ibibigay ko sa espada. 15 Ikaw ay magtatanim ngunit hindi ka mag-aani, ikaw ay magpipiga ng olibo ngunit hindi mo mapapahiran ng langis ang iyong sarili. Ikaw ay magpipisa ng ubas ngunit hindi ka makakainom ng alak. 16 Ang mga kautusan na ginawa ni Omri ay sinunod, at lahat ng mga gawa ng sambahayan ni Ahab. Lumakad kayo sa pamamagitan ng kanilang payo. Kaya gagawin ko kayo na isang sirang lungsod at isang mangungutya ang mga naninirahan sa inyo at magdadala kayo ng kahihiyan bilang aking mga tao."
Chapter 7
1 Sa aba ko! Para sa akin ito ay katulad ng pagtatapos ng pag-aani ng mga bunga sa tag-araw, at kahit na maging ang pamumulot ng mga natitirang ubas sa ubasan. Wala ng mga kumpol ng bunga na makikita, ngunit nananabik pa rin ako sa unang hinog na mga bunga ng igos. 2 Namatay na ang mabuting tao sa lupa, ni isa ay wala ng natira na matuwidi sa mga tao. Sila ay nakahigang naghihintay upang magbubog ng dugo ng iba; ang bawat isa at ang kaniyang kapatid ay naghahanap ng mahuhuli sa pamamagitan ng isang lambat. 3 Ang kanilang mga kamay ay napakahusay sa paggawa ng pinsala. Ang mga pinuno ay humihingi ng pera, ang hukom ay handa sa mga suhol, at sinasabi ng makapangyarihang tao sa iba kung ano ang gusto niyang makuha. Kaya nagbalak sila ng masama. 4 Ang pinakamahusay sa kanila ay tulad ng dawag, ang pinakamatuwid ay isang bakod na mga tinikan. Ang araw na inihula sa pamamagitan ng inyong mga bantay, ang araw ng inyong kaparusahan. Ngayon, ang kanilang pagkalito ay dumating. 5 Huwag magtiwala sa kahit na sinong kalapit bahay. Huwag magtiwala sa kahit na sinong kaibigan. Mag-ingat tungkol sa inyong sinasabi maging sa babaeng nakahiga sa inyong mga kamay. 6 Sapagkat hindi igagalang ng isang anak ang kaniyang ama, ang anak na babae ay titindig laban sa kaniyang ina, at ang manugang na babae ay laban sa kaniyang biyenang babae. Ang mga kaaway ng tao ay ang mga tao sa kaniyang sariling sambahayan. 7 Ngunit para sa akin, ako ay titingin kay Yahweh. Maghihintay ako sa aking Diyos ng aking kaligtasan, pakikinggan ako ng aking Diyos. 8 Huwag kang magalak para sa akin, aking kaaway. Pagkatapos kung bumagsak, titindig ako. Kapag ako ay uupo sa kadiliman, si Yahweh ang magsisilbing liwanag para sa akin. 9 Dahil nagkasala ako laban kay Yahweh, titiisin ko ang kaniyang galit hanggang sa patawarin niya ang ang aking pagkasala, at isagawa ang paghatol para sa akin. Dadalhin niya ako sa liwanag, at makikita ko siyang ililigtas niya ako sa kaniyang katarungan. 10 At makikita ito ng aking mga kaaway, at kahihiyan ang babalot sa nagsabi sa akin na, "Nasaan si Yahweh na iyong Diyos?" Titingnan siya ng aking mga mata, yayapakan siya tulad ng isang putik sa mga lansangan. 11 Darating ang araw na itatayo ninyo ang inyong mga pader. 12 Sa araw na iyon, ang mga hangganan ay lalong lalawak ang nasasakupan. Sa araw na iyon, darating ang mga sa inyo, mula sa Asiria at sa mga lungsod ng Egipto, mula sa Egipto hanggang sa napakalaking Ilog Eufrates, mula sa malalayong dagat, at mula sa kabundukan. 13 At ang mga lupaing iyon ay mapapabayaan dahil sa mga taong naninirahan ngayon dito, dahil sa bunga ng kanilang mga kilos. 14 Patnubayan mo ang iyong mga tao gamit ang iyong tungkod, ang kawan ng iyong mana. Kahit na sila ay namumuhay mag-isa sa kagubatan ng Bundok ng Carmelo, pakainin mo sila sa Basan at Galaad na gaya noong mga unang araw. 15 Gaya noong araw nang inilabas mo sila sa lupain ng Egipto. Sinabi ni Yahweh, "Magpapakita ako sa kanila ng mga kamangha-manghang mga bagay." 16 Makikita ng mga bansa at mapapahiya sa lahat ng kanilang kapangyarihan. Ilalagay nila ang kanilang mga kamay sa kanilang mga bibig, ang kanilang mga tainga ay mabibingi. 17 Didilaan nila ang alikabok ng gaya ng isang ahas, gaya ng nilalang na gumagapang sa lupa. Lalabas sila sa kanilang mga lungga na may takot, lalapit sila sa iyo na may takot, Yahweh na aming Diyos, at sila ay matatakot dahil sa iyo. 18 Sino ang Diyos na gaya mo, ikaw na nag-aalis ng kasalanan, ikaw na pinapalagpas ang mga pagkakasala ng mga natira ng iyong mana? Hindi mo pinapanatili ang iyong galit magpakailanman, dahil gustong-gusto mong ipakita sa amin ang iyong kasunduan ng katapatan. 19 Magkakaroon ka muli ng kahabagan sa amin. Tatapakan mo ang aming kasalanan at itatapon mo ang lahat ng aming kasalanan sa kailaliman ng dagat. 20 Ibibigay mo ang katotohanan kay Jacob at ang kasunduan ng katapatan kay Abraham, gaya ng iyong ipinangako sa aming mga ninuno noong unang mga araw.