2 Mga Hari
Chapter 1
1 Nang namatay si Ahab, nagrebelde ang Moab laban sa Israel. 2 Pagkatapos, nahulog si Ahazias sa balkonahe sa taas ng kaniyang tulugan sa Samaria, at nagkaroon ng malubhang karamdaman. Kaya nagpadala siya ng mga mensahero at sinabi sa kanila, "Pumunta kayo at tanungin si Baal-zebub, ang diyos ng Ekron, kung gagaling pa ako sa karamdamang ito." 3 Pero sinabi ng anghel ni Yahweh kay Elias ang taga-Tisbe, "Tumayo ka at puntahan ang mga mensahero ng hari ng Samaria, at tanungin mo sila, 'Dahil ba walang Diyos sa Israel kaya kayo pupunta para sumangguni kay Baal-zebub ang diyos ng Ekron? 4 Dahil dito, ito ang sabi ni Yahweh, "Hindi ka na makakabangon sa higaan kung saan ka bumabangon; sa halip, tiyak kang mamamatay." Pagkatapos umalis si Elias. 5 Nang bumalik ang mga mensahero kay Ahazias, sinabi niya sa kanila, "Bakit kayo bumalik?" 6 Sinabi nila sa kaniya, "Isang lalaki ang lumapit sa amin na nagsabi, 'Bumalik kayo sa haring nagpadala sa inyo, at sabihin sa kaniya, "Sinabi ito ni Yahweh: 'Dahil ba walang Diyos sa Israel kaya kayo pupunta para sumangguni kay Baal-zebub ang diyos ng Ekron? Dahil dito, hindi ka na makakabangon sa hingaan kung saan ka bumabangon; sa halip, tiyak kang mamamatay." 7 Sinabi ni Ahazias sa kaniyang mga mensahero, "Anong klaseng tao siya, ang taong lumapit sa inyo at sinabi ang mga salitang ito? 8 Sumagot sila sa kaniya, "Nakasuot siya ng damit na gawa sa buhok at mayroong balat na sinturon na nakasuot sa kaniyang baywang." Kaya sumagot ang hari, "Si Elias iyon na taga-Tisbe." 9 Pagkatapos nagpadala ang hari ng kapitan kasama ang limampung sundalo para kay Elias. Nagpunta ang kapitan kay Elias kung saan nakaupo siya sa tuktok ng burol. Nagsalita ang kapitan sa kaniya, ikaw na lingkod ng Diyos, sinabi ng hari, 'Bumaba ka.'" 10 Sumagot si Elias at sinabi sa kapitan, "kung ako ay lingkod ng Diyos, bumaba sana ang apoy mula sa kalangitan at sunugin ka at ang limampung sundalo mo." Pagkatapos bumaba ang apoy mula sa kalangitan at sinunog siya at kaniyang limampung sundalo. 11 Muling nagpadala si Haring Ahazias ng isa pang kapitan na may kasamang limampung sundalo para kay Elias. Sinabi ng kapitan kay Elias, "Ikaw na lingkod ng Diyos, sabi ng hari, 'Magmadali kang bumaba.'" 12 Sumagot si Elias at sinabi sa kanila, "Kung ako ay lingkod ng Diyos, bumaba sana ang apoy mula sa kalangitan at sunugin ka at iyong limampung sundalo." Muli, bumaba ang apoy ng Diyos mula sa kalangitan at sinunog siya at kaniyang limampung sundalo. 13 Ganun pa man, nagpadala muli ang hari ng ikatlong grupo ng limampung mandirigma. Umakyat ang kapitan, lumuhod sa harap ni Elias, at nagmakaawa sa kaniya at sinabi, "Ikaw na lingkod ng Diyos, nagmamakaawa ako na ang buhay ko at buhay ng limampung alipin mo ay maging mahalaga sa iyong paningin. 14 Tunay nga na bumaba ang apoy mula sa kalangitan at sinunog ang unang dalawang kapitan kasama ng kanilang mga tauhan, pero ngayon hayaan mo sana na maging mahalaga ang buhay ko sa iyong paningin." 15 Kaya nagsabi ang anghel ni Yahweh kay Elias, "Bumaba ka kasama niya. Huwag kang matakot sa kaniya." Kaya tumayo si Elias at bumaba kasama niya papunta sa hari. 16 Pagkatapos, sinabi ni Elias kay Ahazias, "Ito ang sinabi ni Yahweh, 'Nagpadala ka ng mga mensahero para sumangguni kay Baal-zebub ang diyos ng Ekron? Dahil ba walang Diyos sa Israel na maaari mong tanungan ng kaalaman? Kaya ngayon, hindi ka na makakabangon sa hingaan kung saan ka bumabangon; sa halip, tiyak kang mamamatay." 17 Kaya namatay si Haring Ahazias ayon sa mga salita ni Yahweh na binanggit ni Elias. Nagsimulang maghari si Joram kapalit niya, sa ikalawang taon, si Jehoram anak ni Jehoshafat ang naging hari ng Juda, dahil walang anak si Ahazias. 18 Para sa ibang mga bagay na tungkol kay Ahazias, hindi ba sila nakasulat sa Aklat ng mga Kaganapan sa buhay ng mga Hari ng Israel?
Chapter 2
1 At nangyari, nang kukunin na ni Yahweh si Elias paakyat sa langit sa pamamagitan ng ipu-ipo, umalis si Elias kasama si Eliseo sa Gilgal. 2 Sinabi ni Elias kay Eliseo, "Pakiusap, manatili ka rito dahil pinapadala ako ni Yahweh sa Bethel." Sumagot si Eliseo, "Hanggang nabubuhay si Yahweh at hanggang nabubuhay ka, hindi kita iiwan." Kaya pumunta sila sa Bethel. 3 Pumunta ang mga anak ng mga propeta na nasa Bethel kay Eliseo at sinabi sa kaniya, "Alam mo ba na kukunin ni Yahweh ang panginoon mo ngayong araw na ito?" Sumagot si Eliseo, "Oo, alam ko, pero huwag ninyo ng banggitin iyon." 4 Sinabi ni Elias sa kaniya, "Eliseo, pakiusap, manatili ka rito, dahil pinapadala ako ni Yahweh sa Jerico." At sumagot si Eliseo, "Hanggang nabubuhay si Yahweh at hanggang nabubuhay ka, hindi kita iiwan." Kaya nagpunta sila sa Jerico. 5 Pagkatapos pumunta ang mga anak ng mga propeta kay Eliseo na nasa Jerico at sinabi sa kaniya, "Alam mo ba na kukunin ni Yahweh ang panginoon mo ngayong araw na ito?" Sumagot si Eliseo, "Oo, alam ko, pero huwag ninyo ng banggitin iyon." 6 Pagkatapos sinabi ni Elias sa kaniya, "Eliseo, pakiusap, manatili ka rito, dahil pinapadala ako ni Yahweh sa Jordan." At sumagot si Eliseo, "Hanggang nabubuhay si Yahweh at hanggang nabubuhay ka, hindi kita iiwan." Kaya nagtungo ang dalawa. 7 Kinalaunan, limampung anak ng mga propeta ang tumayo sa harap ng dalawa habang nakatayo sa kabilang dako ng Jordan. 8 Hinubad ni Elias ang kaniyang balabal, tinupi, at hinampas ang tubig gamit ito. Nahati sa dalawang bahagi ang ilog kaya nakalakad ang dalawa sa tuyong lupa. 9 At iyon nga ang nangyari pagkatapos nilang tumawid sa kabila, sinabi ni Elias kay Eliseo, "Hilingin mo sa akin ang ibig mong gawin ko para sa iyo bago ako kunin sa piling mo." Sumagot si Eliseo, "Kung maaari hayaan mong mapunta sa akin ang dalawang ulit ng iyong espiritu." 10 Sumagot si Elias, "Humihiling ka ng mahirap na bagay. Gayun pa man, kung makikita mo ako kapag kinuha ako mula sa iyo, mangyayari ito sa iyo, pero kung hindi, hindi mangyayari iyon." 11 Habang naglalakad sila at nag-uusap, biglang may isang karwahe ng apoy at mga kabayong apoy ang lumitaw, na nagpahiwalay sa kanila, at nilipad pataas si Elias sa pamamagitan ng ipu-ipo sa langit. 12 Nakita iyon ni Eliseo at nanangis, "Ama ko, ama ko, ang mga karwahe ng Israel at kanilang kabalyero!" Hindi na niya nakita si Elias, at hinawakan ang kaniyang damit at pinunit sa dalawang bahagi. 13 Dinampot niya ang nahulog na balabal mula kay Elias, at bumalik sa pampang ng Jordan para tumayo roon. 14 Hinampas niya ang tubig gamit ang nahulog na balabal ni Elias at sinabi, "Nasaan si Yahweh, ang Diyos ni Elias?" Nang hinampas niya ang tubig, nahati ito sa dalawalang bahagi at tumawid si Eliseo. 15 Nang nakita ng mga anak ng mga propeta na mula sa Jerico na nakatawid siya, sinabi nila, "Napunta ang espiritu ni Elias kay Eliseo!" Kaya nagpunta sila para salubungin siya, at iniyuko ang kanilang mga sarili sa lupa sa kaniyang harapan. 16 Sinabi nila sa kaniya, "Tingnan mo, may limampung malalakas na lalaki mula sa iyong mga alipin. Hinihiling namin na ipadala mo sila para hanapin ang iyong panginoon, kung sakali na kinuha siya ng Espiritu ni Yahweh at hinagis sa ilang bundok o ilang lambak." Sumagot si Eliseo, "Hindi, huwag ninyo silang ipadala." 17 Pero nang napilit nila si Eliseo hanggang sa mahiya na siya, sinabi niya, "Ipadala ninyo na sila." Pagkatapos nagpadala sila ng limampung kalalakihan, at naghanap sila ng tatlong araw, pero hindi siya nahanap. 18 Bumalik sila kay Eliseo, habang nanatili siya sa Jerico, at sinabi niya sa kanila, "Hindi ba sinabi ko na sa inyo, 'Huwag na kayong pumunta'?" 19 Sinabi ng mga lalaki sa lungsod kay Eliseo, "Nagmamakaawa kami sa iyo, nakikita mo na mabuti ang kalagayan ng lungsod na ito, gaya ng nakikita ng panginoon ko, pero madumi ang tubig at hindi mabunga ang lupain." 20 Sumagot si Eliseo, "Magdala kayo sa akin ng bagong mangkok at lagyan ito ng asin," kaya dinala nila iyon sa kaniya. 21 Nagpunta si Eliseo sa bukal ng tubig at tinapon ang asin doon; at kaniyang sinabi, "Sinabi ito ni Yahweh, 'Pinagaling ko na ang tubigang ito. Mula sa oras na ito, walang ng kamatayan at lupaing hindi mamumunga,'" 22 Kaya gumaling ang tubigan sa araw ding iyon, sa pamamagitan ng mga salita na sinabi ni Eliseo. 23 Pagkatapos pumunta si Eliseo mula roon hanggang sa Bethel. Habang papunta siya sa kaniyang daraanan, may mga batang lalaki ang lumabas mula sa lungsod at hinamak siya; sinabi nila sa kaniya," Umakyat ka, kalbo! Umaakyat ka, kalbo!" 24 Tumingin si Eliseo sa kaniyang likuran at nakita sila; tumawag siya kay Yahweh para sumpain sila. Pagkatapos dalawang babaeng oso ang lumabas sa kakahuyan at sinugod ang apatnapu't dalawang bata. 25 Pagkatapos pumunta si Eliseo mula roon sa Bundok Carmel, at mula roon bumalik siya sa Samaria.
Chapter 3
1 Ngayon sa ikalabing walong taon na paghahari ni haring Jehosafat hari ng Juda, si Joram anak ni Ahab ay nagsimulang maghari sa buong Israel sa Samaria; naghari siya ng labindalawang taon. 2 Gumawa siya ng kasamaan sa paningin ni Yahweh, pero hindi gaya ng kaniyang ama at ina; dahil tinanggal niya ang sagradong posteng bato ni Baal na ginawa ng kaniyang ama. 3 Gayun pa man, sumunod siya sa mga kasalanan ni Jeroboam anak ni Nebat, na nagsanhi sa Israel na magkasala; hindi siya lumayo sa kanila. 4 Ngayon, nagparami ng tupa si Mesa hari ng Moab. Kailangan niyang magbigay sa hari ng Israel ng 100, 000 kordero at 100, 000 ng balahibo ng tupa. 5 Pero pagkatapos mamatay ni haring Ahab, nagrebelde ang hari ng Moab laban sa hari ng Israel. 6 Kaya sa oras na iyon, iniwan si Haring Joram ang Samaria para tipunin ang mga Israelita para sa digmaan. 7 Nagpadala siya ng mensahe kay Jehosafat hari ng Juda, nagsasabing, "nagrebelde ang hari ng Moab laban sa akin. Sasamahan mo ba ako sa labanan sa Moab?" Sumagot si Jehosafat, "Pupunta ako. Ikaw at ako ay iisa, ang aking bayan ay iyong bayan, ang aking mga kabayo ay iyong mga kabayo." 8 Pagkatapos kaniyang sinabi, "Saang daanan tayo lulusob?" sumagot si Jehosafat, "Sa daanan sa disyerto ng Edom." 9 Kaya ang mga hari ng Israel, Juda, at Edom ay naglakad nang halos paikot ng pitong araw. Walang tubig ang matagpuan para sa mga hukbo, ni para sa mga kabayo o ibang mga hayop. 10 Kaya sinabi ng hari ng Israel, "Ano ito? Tinawag ba ni Yahweh ang tatlong hari ng magkakasama para talunin ng Moab?" 11 Pero sinabi ni Jehosafat, "Wala ba ritong propeta ni Yahweh, para makapagsangguni tayo kay Yahweh sa pamamagitan niya?" Isa sa mga alipin ng hari ng Israel ang sumagot at sinabi, "Nandito si Eliseo anak ni Safat, ang nagbuhos ng tubig sa mga kamay ni Elias." 12 Sinabi ni Jehosafat, "Nasasakaniya ang salita ni Yahweh." Kaya pinuntahan siya ni Jehosafat hari ng Israel, at ng hari ng Edom. 13 Sinabi ni Eliseo sa hari ng Israel, "Ano ang kinalaman ko sa iyo? Pumunta ka sa mga propeta ng iyong ama at ina." Kaya sinabi ng hari ng Israel sa kaniya, "Hindi, dahil tinawag kaming tatlong hari ni Yahweh, para matalo kami ng Moab." 14 Sumagot si Eliseo, "Hanggang nabubuhay si Yahweh ng mga hukbo, na siyang aking pinanaligan, kung hindi ko lang totoong ginagalang ang presensya ni Jehosafat hari ng Juda, ni hindi kita papansinin, o titingnan. 15 Pero magdala kayo ngayon ng isang manunugtog." At nang tapos na ang pagtugtog ng manunugtog ng alpa, lumapit ang kamay ni Yahweh kay Eliseo. 16 Sinabi niya, "Sinabi ito ni Yahweh, 'Gawan ninyo ang tuyong ilog na ito ng maraming kanal.' 17 Dahil sinabi ito ni Yahweh, 'Hindi kayo makakakita ng hangin, ni makakakita ng ulan, pero mapupuno ng tubig ang ilog na ito, at iinom kayo, ikaw at inyong mga baka at lahat ng inyong mga alagang hayop.' 18 Madaling bagay lamang ito sa paningin ni Yahweh. Bibigyan niya din kayo ng tagumpay laban sa mga Moabita. 19 Lulusob kayo sa bawat matitibay na lungsod at magagandang lungsod, puputulin ang bawat magagandang puno, ihihinto ang lahat ng tubig na bukal, at sisirain ang bawat magagandang bahagi ng lupain sa pamamagitan ng bato." 20 Kaya kinaumagahan, nang halos oras na ng paghahandog ng alay, dumating ang tubig sa direksyon ng Edom; napuno ang bansa ng tubig. 21 Nang narinig ng lahat ng Moabita na dumating ang mga hari para lumaban sa kanila, tinipon nila ang kanilang mga sarili, lahat nang may kakayahan na magsuot ng baluti, at tumayo sila sa hangganan. 22 Gumising sila nang maaga at sumalamin ang araw sa tubig. Nang nakita ito ng mga Moabita, ang tubig sa kanilang banda, mukhang kasing pula ng dugo. 23 Sumigaw sila, "Dugo ito! Tiyak na nawasak na ang mga hari, at pinatay nila ang isa't-isa! Kaya ngayon, Moab, Nakawan na natin sila!" 24 Nang dumating sila sa kampo ng Israel, binigla sila ng mga Israelita at nilusob ang mga Moabita, na tumakas mula sa kanila. Hinabol ng mga hukbo ng Israel ang mga Moabita sa kabilang lupain at pinatay sila. 25 Winasak ng Israel ang mga lungsod, at sa bawat magagandang bahagi ng lupain, naghahagis ang bawat tao ng bato at napuno ng bato ang mayabong na mga sakahan. Pinahinto nila ang lahat ng bukal ng tubig at pinutol ang lahat ng magagandang puno, maliban lamang sa Kir-Haseret, kung saan iniwan nila ang mga bato sa lugar. Pero inatake ito ng mga sundalong may tirador. 26 Nang nakita ni Haring Mesa ng Moab na natalo na sila sa laban, sinama niya ang pitong-daan na mga lalaking gumagamit ng espada para lusubin ang hari ng Edom, pero nabigo sila. 27 Pagkatapos, sinama niya ang kaniyang panganay, na maghahari sana pagkatapos niya, hinandog niya ito bilang susunuging alay sa pader. Kaya nagkaroon ng labis na galit laban sa Israel, at iniwan ng hukbo ng Israelita si Haring Mesa at bumalik sa kanilang sariling lupain.
Chapter 4
1 Ngayon, nagpuntang umiiyak ang isa sa mga asawa ng mga anak ng mga propeta kay Eliseo, sinabing, "Ang iyong lingkod na aking asawa ay patay na, at alam mo na may takot ang iyong lingkod kay Yahweh. Ngayon pumunta ang nagpapautang para kunin ang aking dalawang anak para maging mga alipin niya." 2 Kaya sinabi ni Eliseo sa kaniya, "Ano ang magagawa ko para sa iyo?" Sinabi niya, "Ang iyong lingkod ay walang kahit ano sa bahay, maliban sa palayok ng langis." 3 Pagkatapos, sinabi ni Eliseo, "Umalis ka para manghiram ng mga tapayan na walang laman sa iyong mga kapit-bahay. Manghiram ka ng marami hangga't maaari. 4 Pagkatapos kailangan mo pumunta sa loob ng bahay mo at isara ang pinto sa likod mo at ng iyong mga anak, at ibuhos ang langis sa mga tapayan na iyon; itabi mo ang mga tapayan na napuno." 5 Kaya iniwan niya si Eliseo at sinara ang pinto sa likod niya at kaniyang mga anak. Nagdala sila ng mga tapayan para sa kaniya, at pinuno ang mga ito ng langis. 6 Nang napuno na ang mga lagayan, sabi niya sa kaniyang mga anak, "Magdala pa kayo ng isa pang tapayan." Pero ang sabi ng anak niya sa kaniya, "Wala ng mga tapayan." Pagkatapos, huminto na sa pagdaloy ng langis. 7 Pagkatapos, bumalik siya at sinabi sa lingkod ng Diyos. Sabi niya, "Pumunta ka roon, ibenta mo ang langis; bayaran mo ang iyong utang, at mamuhay kasama ng iyong mga anak sa mga natira." 8 Isang araw, naglakad si Eliseo sa Sunem kung saan nakatira ang isang mahalagang babae; pinilit niyang kumain sila ng magkasama. Kaya sa madalas na pagdaan ni Eliseo, siya ay humihinto para kumain doon. 9 Sinabi ng babae sa kaniyang asawa, "Tingnan mo, nalaman ko na ang lalaking ito na laging dumadaan dito ay lingkod ng Diyos. 10 Gumawa tayo ng maliit na silid sa bubungan para kay Eliseo, at maglagay tayo ng higaan, upuan, at lampara. Pagkatapos, kapag pumunta siya sa atin, mananatili na siya roon." 11 Kaya nang dumating ang araw na bumalik si Eliseo para huminto roon, nanatili siya sa silid at nagpahinga roon. 12 Sinabi ni Eliseo sa kaniyang lingkod na si Gehazi, "Tawagin mo ang Sunamita." Nang tinawag niya ito, tumayo ang babae sa harap niya. 13 Sinabi ni Eliseo sa lingkod, "Sabihin mo sa babae na, 'Ginawa mo ang lahat ng abalang ito para alagaan kami. Ano ang maaari kong gawin para sa iyo? Gusto mo bang kausapin namin ang hari para sa iyo o sa pinuno ng hukbo?'" Sumagot siya, 'Namuhay ako kasama ang aking sariling bayan." 14 Kaya sinabi ni Eliseo, "Ano pala ang maaari nating gawin para sa kaniya?" Sumagot si Gehazi, "Tunay nga, wala siyang anak, at matanda na ang kaniyang asawa." 15 Kaya sumagot si Eliseo, "Tawagin mo siya." Nang siya ay tinawag niya, tumayo siya sa pintuan. 16 Sinabi ni Eliseo, "Sa parehong oras ng taong ito, pagkatapos ng isang taon, makakahawak ka ng isang anak." Sinabi niya, "Hindi, aking panginoon at lingkod ng Diyos, huwag kang magsinungaling sa iyong alipin." 17 Pero nagdalang-tao ang babae at nanganak ng isang lalaki sa parehong panahon ng sumunod na taon, tulad ng sinabi ni Eliseo sa kaniya. 18 Nang lumaki na ang bata, pumunta siya sa kaniyang ama, na kasama ng mga taga-ani. 19 Sinabi niya sa kaniyang ama, "Ang ulo ko, ang ulo ko." Sabi ng kaniyang ama sa kaniyang alipin, "Buhatin mo siya sa kaniyang ina." 20 Nang binuhat siya at dinala ang bata sa kaniyang ina, umupo ang bata sa tuhod ng kaniyang ina hanggang tanghali at pagkatapos ay namatay. 21 Kaya tumayo ang babae at hiniga ang bata sa higaan ng lingkod ng Diyos, sinara ang pinto, at umalis. 22 Tinawag niya ang kaniyang asawa, at sinabi, "Pakiusap magpadala ka sa akin ng isa sa mga alipin at isa sa mga asno para ako ay makapagmadali sa lingkod ng Diyos at makabalik agad." 23 Sinabi ng asawa niya, "Bakit gusto mong pumunta sa kaniya ngayong araw na ito? Hindi naman Kapistahan ng Bagong Buwan o Araw ng Pamamahinga." Sumagot siya. "Magiging maayos din ang lahat." 24 Pagkatapos, sinakyan niya ang asno at sinabi sa kaniyang alipin, "Bilisan mo ang pagmamaneho; huwag kang babagal hangga't hindi ko sinasabi." 25 Kaya pumunta siya sa lingkod ng Diyos sa Bundok Carmel. Nang nakita siya ng lingkod ng Diyos sa malayo, sinabi niya kay Gehazi kaniyang alipin, "Tingnan mo, paparating na ang Sunamita. 26 Pakiusap, tumakbo ka para salubungin siya at sabihin mo sa kaniya, 'Maayos ba ang lahat sa iyo at iyong asawa at anak'" Sumagot siya, "Maayos naman." 27 Nang pumunta siya sa lingkod ng Diyos sa bundok, hinawakan niya ang paa ng lingkod ng Diyos. Lumapit si Gehazi para ilayo siya pero sinabi ng lingkod ng Diyos, "Pabayaan mo siya, dahil siya ay malungkot, at tinago ni Yahweh ang problema sa akin, at walang siyang sinabi sa akin." 28 Pagkatapos kaniyang sinabi, "Humingi ba ako sa iyo ng anak, aking panginoon? Hindi ba sinabi ko sa iyo na, 'Huwag mo akong linlangin'?" 29 Pagkatapos sinabi ni Eliseo kay Gehazi, "Magdamit ka para sa paglalakbay at kunin mo ang aking tungkod. Pumunta ka sa bahay niya. Kung may makakasalubong ka, huwag mo siyang batiin, at kung may babati sa iyo, huwag mo siyang sagutin. Ilagay mo ang tungkod ko sa mukha ng bata." 30 Pero sinabi ng ina ng bata, "Hanggang nabubuhay si Yahweh, at hanggang nabubuhay ka, hindi kita iiwan." Kaya tumayo si Eliseo at sinundan siya. 31 Nagmadaling nauna sa kanila si Gehazi at nilagay ang tungkod sa mukha ng bata, pero hindi ito nagsalita o nakarinig. Kaya bumalik si Gehazi para salubungin si Eliseo at sinabi sa kaniya, "Hindi nagising ang bata." 32 Nang dumating si Eliseo sa bahay, patay na ang bata at nasa higaan pa rin. 33 Kaya pumasok si Eliseo at sinara ang pinto at nanalangin kay Yahweh. Umakyat siya at dinapaan ang bata; 34 nilagay ang bibig niya sa bibig ng bata, kaniyang mata sa mata ng bata, at kaniyang kamay sa kamay ng bata. Inunat niya ang kaniyang sarili sa bata, at nag-init ang katawan ng bata. 35 Pagkatapos tumayo si Eliseo at naglakad sa silid at umakyat muli at inunat ang kaniyang sarili sa bata. Bumahing ang bata ng pitong beses at binuksan ang kaniyang mga mata! 36 Kaya tinawag ni Eliseo si Gehazi, "Tawagin mo ang Sunamita!" Kaya tinawag niya ito, at nang pumunta siya sa silid, sabi ni Eliseo, "Kunin mo ang iyong anak." 37 Pagkatapos nagpatirapa siya sa lupa at yumuko sa lupa, at pagkatapos kinuha ang kaniyang anak at umalis. 38 Pagkatapos pumunta muli si Eliseo sa Gilgal. Mayroong taggutom doon sa lupain, at umupo sa kaniyang tabi ang mga anak ng mga propeta. Sinabi niya sa mga alipin, "Ilagay ninyo ang malaking palayok sa apoy at magluto ng nilaga para sa mga anak ng mga propeta." 39 Ang isa sa kanila ay pumunta sa sakahan para maglikom ng mga gulay. Nakahanap siya ng ligaw na punong ubas at nakalikom ng sapat na ligaw na mga gulay para punuin ang tupi ng kaniyang balabal. Hiniwa nila ang mga ito at nilagay sa nilaga, pero hindi nila alam kung anong uri ang mga iyon. 40 Kaya binuhos nila ang nilaga para kainin ng mga tao. Kinalaunan, habang kumakain sila, sumigaw sila at sinabi, "Lingkod ng Diyos, may kamatayan sa palayok!" At hindi na sila makakain. 41 Pero sinabi ni Eliseo, "Magdala ng ilang harina." Hinagis niya ito sa palayok at sinabi, "Ibuhos ninyo ito para sa mga tao, para makakain sila." At wala ng anumang bagay ang nakakasakit sa loob ng palayok. 42 Isang lalaking taga-Baal-salisa ang lumapit sa lingkod ng Diyos at nagdala ng labingdalawang trigong tinapay sa kaniyang sako mula sa bagong ani, at sariwang aning butil. Sinabi niya, "Ibigay mo ito sa mga tao para makakain sila." 43 Sinabi ng kaniyang alipin, "Ano, dapat ko ba itong ihain sa harapan ng isang-daang lalaki?" Pero sinabi ni Eliseo, "Ibigay mo ito sa mga tao, para makakain sila, dahil sinabi ito ni Yahweh, 'Kakain sila at magkakaroon pa ng tira.' " 44 Kaya hinain ito ng kaniyang alipin sa kanilang harapan; kumain sila, at may mga natira pa, gaya ng pinangakong salita ni Yahweh.
Chapter 5
1 Ngayon si Naaman, pinuno ng hukbo ng hari ng Aram, ay magiting at marangal sa paningin ng kaniyang panginoon, dahil sa pamamagitan niya, binigyan ng tagumpay ni Yahweh ang Aram. Malakas din siya at matapang pero isa siyang ketongin. 2 Lumusob ang mga Aramean nang grupo grupo at dinakip ang isang batang babae mula sa lupain ng Israel. Pinaglingkuran niya ang asawa ni Naaman. 3 Sinabi ng dalaga sa kaniyang madrasta, "Sana kasama ng amo ko ang propeta na nasa Samaria! Tiyak pagagalingin niya ang ketong ng panginoon ko." 4 Kaya sinabi ni Naaman sa hari ang sinabi ng dalaga mula sa lupain ng Israel. 5 Kaya sinabi ng hari ng Aram, "Lumakad ka, at magpapadala ako ng liham sa hari ng Israel." Umalis si Naaman na may baong sampung talentong pilak, anim na libong piraso ng ginto, at sampung pamalit na damit. 6 Dinala rin niya ang liham sa hari ng Israel na nagsasabing, "Kapag dumating ang sulat na ito sa iyo, makikita mong pinadala ko si Naaman na aking lingkod sa iyo para pagalingin mo siya sa kaniyang ketong." 7 Nang mabasa ng hari ng Israel ang liham, pinunit niya ang damit niya at sinabing, "Diyos ba ako, para pumatay at magbigay ng buhay kaya nais ng lalaking ito na pagalingin ko ang isang tao sa kaniyang ketong? Mukhang naghahamon siya ng away." 8 Kaya nang marinig ni Eliseo, ang lingkod ng Diyos, na pinunit ng hari ng Israel ang kaniyang damit, nagpadala siya ng mensahe sa hari nagsasabing, "Bakit mo pinunit ang iyong mga damit? Papuntahin mo siya sa akin at malalaman niyang may propeta sa Israel." 9 Kaya dumating si Naaman kasama ng kaniyang mga kabayo at karwahe at tumayo sa pinto ng bahay ni Eliseo. 10 Nagpadala si Eliseo ng mensahero sa kaniya, sinasabing, "Lumublob ka sa Jordan ng pitong beses, at maibabalik ang kutis mo; ikaw ay magiging malinis." 11 Pero nagalit si Naaman at umalis, sinasabing, "Tingnan mo, akala ko siguradong lalabas siya para sa akin at tatayo at tatawag sa pangalan ni Yahweh na kaniyang Diyos, at ikukumpas ang kamay niya sa buong katawan ko para pagalingin ako sa aking ketong. 12 Hindi ba't ang Abana at Farfar, mga ilog ng Damasco, ay mas malinis kaysa lahat ng tubig sa Israel? Hindi ba pwedeng doon ako maligo para maging malinis?" Kaya tumalikod siya at umalis nang galit na galit. 13 Pagkatapos lumapit ang mga lingkod ni Naaman at kinausap siya, "Ama, kung inutusan ka ng propeta ng isang mahirap na bagay, hindi mo ba gagawin ito? Paano pa kaya kung magsabi siya sa iyo ng isang simpleng bagay gaya ng, 'Lumublob ka para maging malinis ka?'" 14 Kaya nagpunta siya at lumublob ng pitong beses sa Jordan bilang pagsunod sa mga tagubilin ng lingkod ng Diyos. Bumalik ang kaniyang kutis, tulad ng kutis ng isang maliit na bata, at siya ay gumaling. 15 Bumalik si Naaman sa lingkod ng Diyos, siya at ang lahat ng kaniyang kasama, at lumapit sila sa harap niya. Sinabi niya, "Alam kong wala nang ibang diyos sa buong mundo maliban sa Israel. Kaya pakiusap, tanggapin mo ang regalong ito mula sa iyong lingkod." 16 Pero tumugon si Eliseo, "Hangga't nabubuhay si Yahweh na aking pinaglilingkuran, hindi ako tatanggap ng anumang bagay." Pinilit ni Naaman si Eliseo na tanggapin ang regalo pero tumanggi ito. 17 Kaya sinabi ni Naaman, "Kung hindi, maaari mo ba akong bigyan ng lupa na kayang dalhin ng dalawang mola, dahil simula ngayon, ang iyong lingkod ay hindi na maghahandog, ni mag-aalay sa sinumang diyos maliban kay Yahweh. 18 Pero patawarin sana ni Yahweh ang iyong lingkod sa isang bagay na ito, iyon ay, kapag pumunta ang hari sa tahanan ni Rimmon para sumamba roon, at kumapit siya sa kamay ko, at yumuko ako sa tahanan ni Rimmon. Patawarin nawa ni Yahweh ang iyong lingkod sa bagay na ito." 19 Sinabi ni Eliseo sa kaniya, "Humayo ka nang mapayapa." Kaya umalis si Naaman. 20 Hindi pa siya nakakalayo sa kaniyang paglalakbay nang si Gehazi lingkod ni Eliseo na lingkod ng Diyos ay sinabi sa kaniyang sarili, "Kinaawaan ng panginoon ko si Naaman na Aramean sa pamamagitan ng hindi pagtanggap ng mga regalo mula sa kamay niya na kaniyang dinala. Hangga't nabubuhay si Yahweh, hahabulin ko siya at tatanggap ako ng anumang bagay mula sa kaniya." 21 Kaya sumunod si Gehazi kay Naaman. Nang nakita ni Naaman na may taong sumusunod sa kaniya, bumaba siya mula sa kaniyang karwahe para salubungin siya at sinabing, "Maayos lang ba ang lahat?" 22 Sinabi ni Gehazi, "Maayos naman ang lahat. Pinadala ako ng aking panginoon, sinasabing, 'May lumapit sa akin mula sa bansa sa burol ng Efraim, dalawang lalaki na anak ng mga propeta. Pakiusap bigyan mo sila ng isang talentong pilak at dalawang pamalit na damit." 23 Tumugon si Naaman, "Masaya akong bigyan ka ng dalawang talento." Hinimok ni Naaman si Gehazi at nagtali ng dalawang talentong pilak sa dalawang sisidlan, na may dalawang pamalit na damit, at ipinapasan ito sa kaniyang dalawang lingkod na nagdala ng mga sisidlan ng pilak para kay Gehazi. 24 Nang dumating si Gehazi sa burol, kinuha niya ang sisidlan ng pilak mula sa mga kamay nila at tinago ang mga ito sa bahay; pinaalis niya ang mga lingkod at umalis sila. 25 Nang pumasok si Gehazi at humarap sa kaniyang amo, sinabi ni Eliseo, "Saan ka nanggaling, Gehazi?" Tumugon siya, "Diyan-diyan lang nagpunta ang iyong lingkod." 26 Sinabi ni Eliseo kay Gehazi, "Hindi ba kasama mo ang espiritu ko nang huminto ang karwahe ng lalaking iyon para salubungin ka? Ito ba ang oras para tumanggap ng pera, damit, mga olibong halamanan at mga ubasan, mga tupa, mga baka, at mga lingkod na lalaki at babae? 27 Kaya ang ketong ni Naaman ay papasa-iyo at iyong mga kaapu-apuhan magpakailanaman." Kaya umalis si Gehazi sa kaniyang harapan, isang ketongin na kasing puti ng bulak.
Chapter 6
1 Sinabi ng mga anak ng mga propeta kay Eliseo, "Ang lugar kung saan kami nakatira kasama ka ay masyadong maliit para sa ating lahat. 2 Hayaan mo kaming pumunta sa Jordan, at magputol ng puno roon at magtayo ng matitirahan." Tumugon si Eliseo sinabing, "Sige." 3 Sinabi ng isa sa kanila, "Pakiusap samahan mo ang iyong mga lingkod." Sumagot si Eliseo, "Sasama ako." 4 Kaya sumama siya sa kanila, at nang makarating sila sa Jordan, nag-umpisa silang magputol ng mga puno. 5 Pero habang nagpuputol ang isa sa kanila, nalaglag ang ulo ng palakol sa tubig; sumigaw siya at sinabinig, "Naku, panginoon, hiniram ko lang iyon!" 6 Kaya sinabi ng lingkod ng Diyos, "Saan ito nahulog?" Tinuro ng lalaki kay Eliseo ang lugar. Pumutol siya ngayon siya ng isang patpat, tinapon ito sa tubig at pinalutang ang palakol. 7 Sinabi ni Eliseo, "Kunin mo." Kaya inabot ito ng lalaki ng kaniyang kamay. 8 Ngayon nakikipagdigma ang hari ng Aram laban sa Israel. Sumangguni siya sa kaniyang mga lingkod, sinasabing, "Ang kampo ko ay nasa ganitong lugar." 9 Kaya nagpunta ang lingkod ng Diyos sa hari ng Israel, sinasabing, "Sikapin ninyong hindi dumaan sa lugar na iyon, dahil ang mga Aramean ay bababa roon." 10 Pagkatapos nagpadala ang hari ng Israel ng mga tauhan sa lugar na iyon kung saan binalaan siya ng lingkod ng Diyos. Iniligtas siya ng babalang iyon ng ilang beses. 11 Gulong-gulo ang isip ng hari ng Aram dahil sa babalang ito, at tinawag niya ang kaniyang mga lingkod at sinabi sa kanila, "Wala ba sa inyo ang magsasabi kung sino sa inyo ang pumapanig sa hari ng Israel?" 12 Kaya sinabi ng isa sa kaniyang mga lingkod, "Hindi, panginoong hari, dahil si Eliseo na propeta ng Israel ang nagsasabi sa hari ng Israel ng mga sinasabi mo sa iyong silid!" 13 Tumugon ang hari, "Humayo kayo at tingnan ninyo kung nasaan si Eliseo nang makapagpadala ako ng mga tauhan para dakpin siya." At sinabi sa kaniya, "Nasa Dotan siya." 14 Kaya nagpadala ang hari ng mga kabayo, mga karwahe at isang malaking hukbo sa Dotan. Dumating sila nang gabi at pinalibutan ang lungsod. 15 Nang ang alipin ng lingkod ng Diyos ay maagang bumangon at lumabas, pagmasdan mo, isang malaking hukbo at mga kabayo ang nakapaligid sa lungsod. Sinabi ng kaniyang alipin sa kaniya, "Panginoon! Anong gagawin natin?" 16 Sumagot si Eliseo, "Huwag kang matakot, dahil ang mga kasama natin ay higit na mas marami kumpara sa kanila." 17 Nanalangin si Eliseo at sinabing, "Yahweh, Nakiki-usap ako na buksan mo ang mga mata niya nang makakita siya." Kaya't binuksan ni Yahweh ang mga mata ng kaniyang alipin at nakakita siya. Ang bundok ay puno ng mga kabayo at karwahe na nag-aapoy sa paligid ni Eliseo! 18 Nang bumaba ang mga Aramean sa kaniya, nanalangin si Eliseo kay Yahweh at sinabing, "Hinihiling kong bulagin mo sila." Kaya't binulag sila ni Yahweh, gaya ng hiling ni Eliseo. 19 Pagkatapos sinabi ni Eliseo sa mga Aramean, "Hindi ito ang daan, ni ito ang lungsod. Sumunod kayo sa akin at dadalhin ko kayo sa taong hinahanap ninyo." At dinala niya sila sa Samaria. 20 Nang dumating sila sa Samaria, sinabi ni Eliseo, "Buksan mo ang mga mata nila, Yahweh, nang makakita sila." Binuksan ni Yahweh ang mga mata nila at nakakita sila, at nakita nilang nasa gitna sila ng lungsod ng Samaria. 21 Nang makita sila ng hari ng Israel, sinabi niya kay Eliseo, "Ama, dapat ko na ba silang patayin? Papatayin ko na ba sila?" 22 Sumagot si Eliseo, "Huwag mo silang patayin. Papatayin mo ba silang mga kinuha mong bihag gamit ang espada at pana mo? Maghain ka ng tinapay at tubig sa kanila para makakain at makainom sila at makapunta sa kanilang panginoon." 23 Kaya't naghain ng pagkain ang hari para sa kanila, at nang nakakain at nakainom sila, pinalaya niya sila at pinabalik sa kanilang panginoon. Ang mga grupo ng sundalong Aramean na iyon ay hindi bumalik sa lupain ng Israel nang mahabang panahon. 24 Matapos nito, tinipon ni Ben Hadad, hari ng Aram, ang lahat ng kaniyang hukbo at lumusob sa Samaria at binihag ito. 25 Kaya't nagkaroon ng matinding taggutom sa Samaria. Binihag nila ito hanggang ang isang asno ay maibenta sa halagang walumpung pirasong pilak, at ikaapat na bahagi ng isang kab ng dumi ng kalapati sa halagang limang pirasong pilak. 26 Habang dumadaan ang hari ng Israel sa may pader, isang babae ang umiyak sa kaniya, sinasabing, "Tulungan mo ako, panginoong hari." 27 Sinabi niya, "Kung hindi ka tinutulungan ni Yahweh, paano kita matutulungan? Mayroon bang nanggagaling sa giikan o pigaan ng alak?" 28 Sinabi pa ng hari, "Ano ang bumabagabag sa iyo?" Tumugon siya, "Sinabi ng babeng ito sa akin, 'Ibigay mo sa akin ang iyong anak para kainin natin ngayon, at bukas kakainin natin ang anak ko.'" 29 Kaya't nilaga namin ang anak ko at kinain ito, at sinabi ko sa kaniya kinabukasan, "'Ibigay mo sa akin ang iyong anak para kainin natin, pero tinago niya ito." 30 Kaya nang narinig ng hari ang sinabi ng babae, pinunit niya ang kaniyang damit (dumadaan siya sa may pader), at tumingin ang mga tao at nakita na mayroon siyang sako bilang panloob na kasuotan. 31 Sinabi niya, "Parusahan nawa ako ng Diyos, at lalong higit pa, kung matatapos ang araw na nananatili pa rin ang ulo ni Eliseo sa kaniya, anak ni Safat." 32 Pero nakaupo si Eliseo sa kaniyang bahay kasama ng mga nakatatanda. Nagpadala ng tao ang hari pero nang dumating ang mensahero kay Eliseo, sinabi niya sa mga nakatatanda, "Tingnan ninyo kung paanong nagpadala ng tao ang anak ng mamamatay-tao na ito para patayin ako? Kapag dumating siya, isara ninyo ang pinto at pigilan ninyong mabuksan niya ito. Hindi ba't kasunod niya ay ang mga yapak ng kaniyang panginoon?" 33 Habang nakikipag-usap siya sa kanila, dumating ang mensahero sa kaniya. Sinabi ng hari, "Ang suliraning ito ay galing kay Yahweh. Bakit kailangan ko pang maghintay kay Yahweh?"
Chapter 7
1 Sinabi ni Eliseo, "Pakinggan ninyo ang salita ni Yahweh. Ito ang sinasabi niya: 'Bukas, sa ganitong oras, isang takal ng mainam na harina ang ipagbibili kapalit ng isang sekel, at dalawang takal ng sebada ang ipagbibili kapalit ng isang sekel sa tarangkahan ng Samaria.'" 2 Pagkatapos ang kapitan na kanang kamay ng hari ay sumagot sa lingkod ng diyos, at sinabi, "Masdan mo, kahit na gumawa si Yahweh ng bintana sa langit, maaari bang mangyari ito?" Tumugon si Eliseo, "Masasaksihan mo itong mangyari gamit ang sarili mong mga mata, pero hindi ka makakakain mula dito." 3 Ngayon, mayroong apat na lalaking may ketong sa labas ng tarangkahan ng lungsod. Sinabi nila sa isa't isa, "Bakit tayo mauupo rito hanggang mamatay tayo? 4 Kung sabihin nating papasok tayo sa lungsod, ang taggutom ay nasa lungsod, at mamamatay tayo roon. Pero kung uupo pa rin tayo dito, mamamatay pa rin tayo. Kaya ngayon, halika, pumunta tayo sa hukbo ng mga Aramean. Kung pananatilihin nila tayong buhay, mabubuhay tayo, at kung papatayin nila tayo, mamamatay lang tayo." 5 Kaya tumayo sila nang mag-gagabi na para pumunta sa kampo ng mga Aramean; nang dumating sila sa pinakalabas na bahagi ng kampo, walang naroon. 6 Dahil pinarinig ng Panginoon sa mga Aramean ang ingay ng mga karwahe, at ang ingay ng mga kabayo --ang ingay ng isang malaking hukbo, at sinabi nila sa isa't isa, "Inupahan ng hari ng Israel ang mga hari ng mga Hiteo at mga taga-Ehipto para pumunta laban sa amin." 7 Kaya tumayo ang mga sundalo at tumakas nang mag-gagabi na; iniwan nila ang kanilang mga tolda, mga kabayo, mga asno, at ang kampo sa lagay nito, at tumakas para sa mga buhay nila. 8 Nang dumating sa pinakalabas na bahagi ng kampo ang mga lalaking may ketong, pumasok sila sa loob ng isang tolda at kumain at uminom, at tinangay ang pilak at ginto at mga damit at tinago ito. Bumalik sila at pumasok sa isa pang tolda at tinangay ang mga nasamsam nila mula roon at tinago itong muli. 9 Pagkatapos sinabi nila sa isa't isa, "Hindi tama ang ginagawa natin. Ang araw na ito ay araw ng magandang balita, pero nananahimik tayo patungkol dito. Kung maghihintay tayo hanggang bukang-liwayway, parurusahan tayo. Kaya, halina at sabihin natin ito sa sambahayan ng hari." 10 Kaya't pumunta sila at tinawag ang mga tagabantay ng tarangkahan ng lungsod. Sinabi nila sa kanila, "Nagpunta kami sa kampo ng mga Aramean, pero walang naroon, wala ni tunog ninuman, pero naroon ang mga kabayo nila, at ang mga asnong nakatali, at ang mga tolda sa lagay nito." 11 At isinigaw ng mga bantay ng tarangkahan ang balita, at pagkatapos sinabi ito sa loob ng sambahayan ng hari. 12 Pagkatapos bumangon ang hari kinagabihan at sinabi sa kaniyang mga lingkod, "Sasabihin ko sa inyo ngayon ang ginawa ng mga Aramean sa atin. Alam nilang gutom tayo, kaya umalis sila ng kampo para magtago sa mga bukirin. Sinasabi nila, "Sa oras na lumabas sila sa lungsod, kukunin natin sila nang buhay, at papasok tayo sa lungsod.'" 13 Sumagot ang isa sa mga lingkod ng hari at sinabing, "Pakiusap, hayaan mong kunin ng ilan sa mga tauhan ang limang kabayong natitira sa lungsod. Tulad sila ng lahat ng natitira sa mga mamamayan ng Israel --karamihan ay patay na; hayaan mong ipadala namin sila at tingnan ito." 14 Kaya kumuha sila ng dalawang karwahe na may mga kabayo, at sinugo sila ng hari sa hukbo ng mga Aramean, sinasabing, "Tingnan ninyo iyon." 15 Sinundan nila sila hanggang sa Jordan, at ang lahat ng daanan ay puno ng mga damit at gamit na iniwan ng mga Aramean sa pagmamadali. Kaya bumalik ang mga mensahero at sinabi sa hari." 16 Lumabas ang mga tao at sinamsam ang mga gamit sa kampo ng mga Aramean. Kaya ang takal ng mainam na harina ay ipinagbili sa halagang isang sekel at ang dalawang takal ng sebada ay kapalit ng isang sekel, tulad ng sinabi ni Yahweh. 17 Inutusan ng hari ang kapitan, ang kaniyang kanang kamay, para mangasiwa sa tarangkahan, at tinapak-tapakan siya ng mga tao sa daan ng tarangkahan. Namatay siya gaya ng sinabi ng lingkod ng Diyos nang bumaba ang hari sa kaniya. 18 Kaya nangyari iyon gaya ng sinabi ng lingkod ng Diyos sa hari, sinasabing, "Sa oras na ito sa tarangkahan ng Samaria, ang dalawang takal ng sebada ay ipagbibili sa halagang isang sekel, at ang isang takal ng mainam na harina para sa isang sekel." 19 Sinagot ng kapitang iyon ang lingkod ng Diyos at sinabing, "Kahit gumawa si Yahweh ng bintana sa langit, maaari bang mangyari ito?" Sinabi ni Eliseo, "Makikita mong mangyari ito nang sarili mong mga mata, pero hindi ka kakain mula rito." 20 At nangyari ito sa kaniya sa ganoong paraan, dahil tinapak-tapakan siya ng mga tao sa tarangkahan, at namatay siya.
Chapter 8
1 Ngayon nagsalita si Eliseo sa babae na ang anak ay kaniyang binuhay. Sinabi niya sa kaniya, "Bumangon ka, at pumunta sa iyong sambahayan, at manatili ka sa ibang lupain kung saan maaari, dahil magpapadala si Yahweh ng taggutom na darating sa lupaing ito ng pitong taon." 2 Kaya bumangon ang babae at sinunod niya ang salita ng lingkod ng Diyos. Nagpunta siya sa kaniyang sambahayan at nanirahan sa lupain ng Filisteo ng pitong taon. 3 Pagkatapos ng pitong taon bumalik ang babae mula sa lupain ng mga Filisteo, at siya ay pumunta sa hari para magmakaawa sa kaniya para sa kaniyang bahay at lupain. 4 Ngayon ang hari ay nakikipag-usap kay Gehazi na lingkod ng Diyos, sinasabing, "Pakiusap sabihin sa akin ang lahat ng dakilang bagay na nagawa ni Eliseo." 5 Pagkatapos habang sinasabi niya sa hari kung paano binuhay ni Eliseo ang patay na anak, dumating ang babaeng ang anak ay kaniyang binuhay na nagmakaawa sa hari para sa kaniyang bahay at lupain. Sinabi ni Gehazi, "Aking panginoong, hari, ito ang babae, at ito ang kaniyang anak na lalaki, na binuhay ni Eliseo." 6 Nang tanungin ng hari ang babae tungkol sa kaniyang anak, ipinaliwanag niya ito sa kaniya. Kaya iniutos ng hari sa isang opisyal para sa kaniya, sinasabing, "Ibalik sa kaniya ang lahat ng pag-aari niya at lahat ng mga ani ng kaniyang bukid mula nang araw na iniwan niya ang lupain hanggang ngayon." 7 Nagpunta si Eliseo sa Damasco kung saan si Ben-Hadad ang hari ng Aram ay may sakit. Sinabi sa hari, "Ang lingkod ng Diyos ay naparito." 8 Sinabi ng hari kay Hazael, "Magdala ka ng isang regalo at salubungin ang lingkod ng Diyos, at sumangguni kay Yahweh sa pamamagitan niya, sinasabing, 'Gagaling ba ako mula sa sakit na ito?" 9 Kaya nagpunta si Hazael para salubungin siya at dala niya ang isang regalo ng bawat uri ng mabubuting bagay sa Damasco, na dala ng apatnapung kamelyo. Kaya nagpunta si Hazael at tumayo sa harap ni Eliseo at sinabi, "Ipinadala ako sa iyo ng iyong anak na si Ben-Hadad hari ng Aram, tinatanong kung, 'Gagaling ba ako mula sa sakit na ito?" 10 Sinabi ni Eliseo sa kaniya, "Lumakad ka, sabihin kay Ben-Hadad, 'Siguradong gagaling ka,' pero ipinakita sa akin ni Yahweh na siya ay siguradong mamamatay." 11 Pagkatapos tumitig si Eliseo kay Hazael hanggang siya ay mapahiya, at ang lingkod ng Diyos ay umiyak. 12 Tinanong ni Hazael, "Bakit ka umiiyak, aking panginoon?" Kaniyang sinagot, "Dahil nalalaman ko ang kasamaan na iyong gagawin sa bayan ng Israel. Susunugin mo ang kanilang mga kutang tanggulan, at papatayin mo ang kanilang mga kabataang lalaki gamit ang espada, dudurugin ang kanilang mga maliliit na bata, at bibiyakin ang tiyan ng kanilang babaeng buntis." 13 Tumugon si Hazael, "Sino ang iyong lingkod, na dapat gumawa nitong dakilang bagay? Siya ay isang aso lamang." Sumagot si Eliseo, "Ipinakita sa akin ni Yahweh na ikaw ang maghahari sa Aram," 14 Pagkatapos iniwan ni Hazael si Eliseo at nagpunta sa kaniyang panginoon, na sinabi sa kaniya, "Ano ang sinabi ni Eliseo sa iyo?" Sumagot siya, "Sinabi niya sa akin na ikaw ay tiyak na gagaling." 15 Nang sumunod na araw kinuha Hazael ang kumot at nilublob ito sa tubig, at inilatag ito sa mukha ni Ben-Hadad kaya siya ay namatay. Pagkatapos si Hazael ay naging hari na kapalit niya. 16 Sa ikalimang taon ni Joram anak ni Ahab, hari ng Israel, nagsimulang maghari si Jehoram. Siya ang anak ni Jehosafat hari ng Juda. Nagsimula siyang maghari nang si Jehoshafat ay hari ng Juda. 17 Si Jehoram ay tatlumput-dalawang taong gulang nang siya ay magsimulang maghari, at naghari siya ng walong taon sa Jerusalem. 18 Lumakad si Jehoram sa mga pamamaraan ng mga hari ng Israel, tulad ng ginawa ng sambahayan ni Ahab; dahil ang anak na babae ni Ahab ay kaniyang asawa, at ginawa niya kung ano ang masama sa paningin ni Yahweh. 19 Gayunman, dahil sa kaniyang lingkod na si David, hindi nais ni Yahweh na wasakin ang Juda, dahil sinabi niya sa kaniya na bibigyan siya lagi ng mga kaapu-apuhan. 20 Sa mga panahon ni Jehoram, naghimagsik ang Edom mula sa ilalim ng kamay ng Juda, at nagtayo sila ng isang hari para manguna sa kanila. 21 Pagkatapos tumawid si Jehoram kasama ang kaniyang mga pinuno at lahat ng kaniyang mga karwahe. Nangyari ito nang siya ay nagising sa gabi at sinalakay at tinalo ang mga Edomita, na pumaligid sa kaniya at ang mga pinuno ng mga karwahe. Pagkatapos tumakas ang hukbo ni Jehoram papunta sa kanilang mga tahanan. 22 Kaya naghihimagsik ang Edom mula sa kapangyarihan ng Juda hanggang sa araw na ito. Naghihimagsik din ang Libna sa panahon ding iyon. 23 Gaya ng ibang mga bagay tungkol kay Jehoram, ang lahat niyang ginawa, hindi ba nakasulat ang mga ito sa Ang Aklat ng mga Kaganapan sa buhay ng mga Hari ng Juda? 24 Namatay si Jehoram at nahimlay kasama ang kaniyang mga ninuno, at inilibing kasama ang kaniyang mga ninuno sa lungsod ni David. Pagkatapos ang anak ni Ahazias ang naging hari na kapalit niya. 25 Nang ikalabindalawang taon ni Joram anak ni Ahab, hari ng Israel, si Ahazias anak ni Jehoram, hari ng Juda, ay nagsimulang maghari. 26 Si Ahazias ay dalawamput-dalawang taong gulang nang magsimulang maghari; naghari siya ng isang taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kaniyang ina ay si Atalia; siya ay anak na babae ni Omri, hari ng Israel. 27 Lumakad si Ahazias sa pamamaraan ng sambahayan ni Ahab; ginawa niya kung ano ang masama sa paningin ni Yahweh, gaya ng ginagawa ng sambahayan ni Ahab, dahil si Ahazias ay isang manugang na lalaki sa sambahayan ni Ahab. 28 Pumunta si Ahazias kasama si Joram anak ni Ahab, para makipaglaban kay Hazael, hari ng Aram, sa Ramoth-galaad. Sinugatan ng mga Aramean si Joram. 29 Nagbalik si Haring Joram para magpagaling sa Jezreel sa mga sugat na ginawa ng mga Aramean sa kaniya sa Rama, nang nakipaglaban siya kay Hazael hari ng Aram. Kaya si Ahazias anak ni Jehoram, hari ng Juda, ay bumababa sa Jezreel para makita si Joram anak ni Ahab, dahil siya ay nasugatan.
Chapter 9
1 Tinawag ni Eliseo na propeta ang isa sa mga anak ng mga propeta at sinabi sa kaniya, "Magbihis ka para maglakbay, pagkatapos dalhin ang maliit na bote ng langis na ito sa iyong kamay at pumunta sa Ramoth-galaad. 2 Kapag dumating ka, hanapin mo si Jehu anak ni Jehosafat anak ni Nimsi, at pumasok ka at patayuin siya sa gitna ng kaniyang mga kasama, at samahan siya sa loob ng isang silid. 3 Pagkatapos kunin ang bote ng langis at ibuhos ito sa kaniyang ulo at sabihing, 'Sinasabi ito ni Yahweh: "Hinirang kita para maging hari ng Israel," Pagkatapos buksan ang pinto, at tumakbo; huwag patagalin." 4 Kaya ang binata, ang batang propeta, ay nagpunta sa Ramot-galaad. 5 Nang dumating siya, namasdan niya ang mga kapitan ng hukbo ay nakaupo. Kaya sinabi ng batang propeta, "Ako ay may isang sadya sa iyo, kapitan." Sumagot si Jehu, "Kanino sa amin?" Sumagot ang batang propeta, "Sa iyo, kapitan." 6 Kaya tumayo si Jehu at pumasok sa bahay, at ibinuhos ng propeta ang langis sa kaniyang ulo at sinabi kay Jehu, "sinasabi ito ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: 'Hinirang kita para maging hari sa bayan ni Yahweh, sa Israel. 7 Dapat mong patayin ang pamilya ni Ahab na iyong panginoon, kaya ipaghihiganti ko ang dugo ng aking mga lingkod na mga propeta, at ang dugo ng lahat ng mga lingkod ni Yahweh, na pinatay sa pamamagitan ng kamay ni Jezabel. 8 Dahil ang buong pamilya ni Ahab ay mapaparusahan, at puputulin ko mula kay Ahab ang bawat batang lalaki, maging siya ay isang alipin o isang taong malaya. 9 Gagawin ko sa sambahayan ni Ahab gaya ng sa sambahayan ni Jeroboam anak ni Nebat at gaya ng sa sambahayan ni Baasa anak ni Ahias. 10 Kakainin ng mga aso si Jezabel sa Jezreel, at walang sinuman doon ang maglilibing sa kaniya." Pagkatapos binuksan ng propeta ang pintuan at tumakbo. 11 Pagkatapos lumabas si Jehu sa mga lingkod ng kaniyang panginoon, at sinabi sa kaniya ng isa, "Mabuti ba ang lahat ng bagay? Bakit pumunta sa iyo ang baliw na taong ito?" Sumagot si Jehu sa kanila, "Kilala ninyo ang lalaki at ang mga uri ng bagay na sinasabi niya." 12 Sinabi nila, "Isang kasinungalingan iyon. Sabihin sa amin." Sumagot si Jehu, "Sinabi niya ito at iyon sa akin, at sinabi niya rin, 'Ito ang sinasabi ni Yahweh: Hinirang kita bilang hari ng Israel." 13 Pagkatapos bawat isa sa kanila ay mabilis na hinubad ang kaniyang panlabas na damit at inilagay ito sa paanan ni Jehu para lakaran. Hinipan nila ang trumpeta at sinabi, "Si Jehu ay hari." 14 Sa pamamaraang ito nakipagsabwatan si Jehu anak ni Jehosafat anak ni Nimsi laban kay Joram. Ngayon pinagtatanggol ni Joram ang Ramot-galaad, siya at lahat ng Israel, dahil kay Hazael hari ng Aram, 15 pero nagbalik si Haring Joram sa Jezreel para pagalingin ang sugat na ginawa ng mga Aramean sa kaniya, nang nakipaglaban siya kay Hazael hari ng Aram. Sinabi ni Jehu sa mga lingkod ni Joram, "Kung ito ang iyong palagay, sa gayon huwag hayaang may isang makatakas at makalabas sa lungsod, para sabihin ang mga balitang ito sa Jezreel." 16 Kaya sumakay si Jehu sa isang karwahe patungong Jezreel; dahil doon nagpapahinga si Joram. Ngayon si Ahazias hari ng Juda ay bumaba para makita si Joram. 17 Ang bantay ay nakatayo sa tore sa Jezreel, at nakita niya ang kasama ni Jehu habang siya ay dumating sa kalayuan; sinabi niya, "Nakikita ko ang isang pangkat ng kalalakihan na dumarating," Sinabi ni Joram, 'Kumuha ka ng isang mangangabayo, at ipadala siya para salubungin sila; sabihin sa kaniya para sabihing, 'Ikaw ba ay dumating para sa kapayapaan?" 18 Kaya ipinadala ang isang lalaki sa mangangabayo para salubungin sila, sinabi niya, "Sinabi ito ng hari: 'Ikaw ba ay dumating para sa kapayapaan?" Kaya sinabi ni Jehu, "Ano ang magagawa mo sa kapayapaan? Bumalik ka at sumunod sa akin." Pagkatapos sinabi ng bantay sa hari, "Sinalubong sila ng mensahero, pero hindi siya babalik." 19 Pagkatapos nagpadala siya ng pangalawang lalaki na nakakabayo, na pumunta sa kanila at sinabi, "Sinasabi ito ng hari: 'Ikaw ba ay dumating para sa kapayapaan? "Sumagot si Jehu, "Ano ang magagawa mo sa kapayapaan? Bumalik ka at sumunod sa akin." 20 Muling nag-ulat ang bantay, "Siya ay sinalubong nila, pero hindi siya babalik. At ang paraan ng pagpapatakbo ng karwahe ay gaya ng pagpapatakbo ni Jehu anak ni Nimsi, dahil nagpapatakbo siya ng matulin." 21 Kaya sinabi ni Joram, "Ihanda mo ang aking karwahe." Inihanda nila ang kaniyang karwahe, at si Joram hari ng Israel at Ahazias hari ng Juda ay sumakay, bawat isa sa kaniyang karwahe, para salubungin si Jehu. Siya ay natagpuan nila sa lupain ni Nabot na Jezreelita. 22 Nang nakita ni Joram si Jehu, sinabi niya, 'Ikaw ba ay dumating para sa kapayapaan, Jehu?" Sumagot siya, "Anong kapayapaan ang naroroon, kung napakaraming pagsamba sa diyus-diyusan na mayroong prostitusyon at pangkukulam ng iyong inang si Jezabel?" 23 Kaya pabalik na tumakas si Joram sa kaniyang karwahe at sinabi kay Ahazias, "Pagtataksil ito, Ahazias." 24 Pagkatapos nilabas ni Jehu ang kaniyang pana na buong lakas niyang pinana si Joram sa pagitan ng kaniyang mga balikat; tumagos ang palaso sa kaniyang puso, at nalaglag siya sa kaniyang karwahe. 25 Pagkatapos sinabi ni Jehu kay Bidkar na kaniyang kapitan, "Damputin at itapon siya sa bukid ni Nabot na Jezreelita. Isipin kung paano ako at ikaw ay magkasamang sumakay pagkatapos ni Ahab na kaniyang ama, inilagay ni Yahweh ang propesiyang ito laban sa kaniya: 26 'Totoong nakita ko kahapon ang dugo ni Nabot at ang dugo ng kaniyang mga anak na lalaki, sinasabi ni Yahweh, at gagantihan kita sa bukid na ito,' sinasabi ni Yahweh. Kaya ngayon, kunin at itapon siya sa lugar, sa bukid na iyon, para maganap kung ano ang sinabi sa atin na mangyayari sa salita ni Yahweh." 27 Nang makita ito ni Ahazias ang hari ng Juda, tumakas siya sa daan ng Beth Haggan. Pero sumunod si Jehu sa kaniya, at sinabi, "Patayin din siya sa karwahe," at siya ay pinana nila pag-ahon sa Gur, na nasa Ibleam. Tumakas si Ahazias patungo sa Meggido at namatay doon. 28 Binuhat ng kaniyang mga lingkod ang kaniyang katawan sa isang karwahe tungo sa Jerusalem at inilibing siya sa kaniyang puntod kasama ang kaniyang mga ninuno sa lungsod ni David. 29 Ngayon nasa ikalabing-isang taon ni Joram anak ni Ahab na sinimulan ni Ahazias maghari sa Juda. 30 Nang dumating si Jehu sa Jezreel, narinig ito ni Jezabel, at pinintahan niya ang kaniyang mga mata, inayos ang kaniyang buhok, at dumungaw sa bintana. 31 Habang pumapasok si Jehu sa tarangkahan, sinabi niya sa kaniya, Ikaw ba ay dumating para sa kapayapaan", ikaw Zimri, mamamatay-tao ng iyong panginoon?" 32 Tumingala si Jehu sa bintana at sinabi, "Sino ang sa aking panig? Sino?" Pagkatapos dalawa o tatlong eunuko ang dumungaw. 33 Kaya sinabi ni Jehu, "Ihagis ninyo siya." Kaya inihagis nila si Jezabel, at tumilamsik ang kaniyang dugo sa mga pader at sa mga kabayo, tinapakan siya ni Jehu. 34 Nang pumasok si Jehu sa palasyo, siya ay kumain at uminom. Pagkatapos sinabi niya, "Asikasuhin ninyo ngayon ang sinumpang babaeng ito at ilibing siya, dahil siya ay isang anak na babae ng hari." 35 Pumunta sila para ilibing siya, pero wala na ang natagpuan sa kaniya kundi bungo na lamang, ang mga paa, at ang mga palad ng kaniyang kamay. 36 Kaya bumalik sila at sinabi kay Jehu. Sinabi niya, "Ito ang salita ni Yahweh na sinabi niya sa pamamagitan ng kaniyang lingkod na si Elias na Tisbita, sinasabing, 'Sa lupain ng Jezreel kakainin ng mga aso ang laman ni Jezabel, 37 at ang katawan ni Jezabel ay magiging tulad ng dumi sa mga bukid sa lupain ng Jezreel, kaya walang makapagsasabing, "Ito ay si Jezabel."
Chapter 10
1 Ngayon si Ahab ay may pitumpung kaapu-apuhan sa Samaria. Sumulat si Jehu ng mga liham at ipinadala nila sa Samaria, sa mga namumuno sa Jezreel, kabilang ang mga matatanda at tagapag-alaga ng mga kaapu-apuhan ni Ahab, sinasabing, 2 "Ang mga kaapu-apuhan ng iyong panginoon ay kasama ninyo, at kayo ay mayroon ding mga karwahe at kabayo at isang pinagtibay na lungsod at armas. Kung gayon, sa sandaling dumating ang liham na ito sa inyo, 3 piliin ang pinakamabuti at pinakanararapat sa mga kaapu-apuhan ng iyong panginoon at ilagay siya sa trono ng kaniyang ama, at ipaglaban ang maharlikang lahi ng iyong panginoon." 4 Pero sila ay natakot at sinabi sa kanilang mga sarili, "Tingnan ninyo, hindi makatayo ang dalawang hari sa harap ni Jehu. Kaya paano kami tatayo?" 5 Pagkatapos ang lalaki na tagapamahala sa palasyo, at lalaki na naroroon sa lungsod, at pati rin ang mga matatanda, at sila na nagpalaki sa mga bata, ay nagpasabi kay Jehu, sinasabing, "Kami ang inyong mga lingkod. Gagawin namin ang lahat ng bagay na inuutos ninyo sa amin. Hindi namin gagawing hari ang sinumang lalaki. Gawin kung ano ang mabuti sa inyong paningin." 6 Pagkatapos sumulat si Jehu ng isang liham sa kanila sa ikalawang pagkakataon, sinasabing, "Kung kayo ay nasa aking panig, at kung kayo ay makikinig sa aking tinig, dapat ninyong kunin ang ulo ng mga lalaki na mga kaapu-apuhan ng inyong panginoon, at pumunta kayo sa akin sa Jezreel bukas sa ganitong oras." Ngayon ang mga kaapu-apuhan ng hari, pitumpu ang bilang, ay kasama ang mahahalagang lalaki ng lungsod, siyang nagpapalaki sa kanila. 7 Kaya nang dumating ang liham sa kanila, kinuha nila ang mga anak na lalaki ng hari at pinatay sila, pitumpung katao, inilagay ang kanilang mga ulo sa mga basket, at ipinadala nila kay Jehu sa Jezreel. 8 Isang mensahero ang dumating kay Jehu, sinasabing, "Dinala nila ang mga ulo ng mga anak na lalaki ng hari." Kaya sinabi niya, "Ilagay ang mga ito ng dalawang tumpok sa pasukan ng tarangkahan hanggang sa umaga." 9 Nang umaga lumabas at tumayo si Jehu, at sinabi sa lahat ng tao, "Kayo ay walang malay. Tingnan ninyo, nagbanta ako laban sa aking panginoon at pinatay siya, pero sinong pumatay sa lahat ng mga ito? 10 Ngayon dapat tiyak ninyong malaman na wala sa bahagi ng salita ni Yahweh, ang salita na sinabi niya tungkol sa pamilya ni Ahab, ay babagsak sa lupa, dahil ginawa ni Yahweh ang kaniyang sinabi sa pamamagitan ng kaniyang lingkod na si Elias." 11 Kaya pinatay ni Jehu ang lahat ng natitira sa pamilya ni Ahab sa Jezreel, at lahat ng kaniyang mahahalagang tauhan, kaniyang malapit na mga kaibigan, at kaniyang mga pari, hanggang wala nang matira sa kanila. 12 Pagkatapos tumindig at umalis si Jehu; nagpunta siya sa Samaria. Habang siya ay parating sa Beth Eked ng pastulan, 13 nakasalubong niya ang mga kapatid na lalaki ni Ahazias hari ng Juda. Sinabi ni Jehu sa kanila, "Sino kayo?" Sumagot sila, "Kami ang mga kapatid na lalaki ni Ahazias, at bababa kami para batiin ang mga anak ng hari at mga anak ni Reyna Jezabel." 14 Sinabi ni Jehu sa sarili niyang mga tauhan, "Hulihin silang buhay." Kaya hinuli nila silang buhay at pinatay sila sa balon ni Beth Eked, lahat ng apatnapu't dalawang kalalakihan. Hindi siya nagtira ng sinumang buhay sa kanila. 15 Nang umalis doon si Jehu, nakasalubong niya si Jonadab anak na lalaki ni Rechab na dumarating para makipagkita sa kaniya. Binati siya ni Jehu at sinabi sa kaniya, "Buong puso ka bang makikiisa sa akin, gaya ng pagiging matapat ko sa iyo? Sumagot si Jonadab, "Oo" Sabi ni Jehu, kung ganoon nga, iabot mo sa akin ang iyong kamay". At iniabot ni Jonadab ang kaniyang kamay, kaya pinasakay siya ni Jehu sa kaniyang karwahe. 16 Sinabi ni Jehu, sumama ka sa akin at tingnan mo ang aking kasigasigan para kay Yahweh." Kaya sumakay si Jonadab sa kaniyang karwahe. 17 Nang dumating siya sa Samaria, pinatay ni Jehu ang lahat ng natitira mula sa mga kaapu-apuhan ni Ahab sa Samaria, hanggang mawasak niya ang maharlikang angkan ni Ahab, gaya lamang ng sinabi sa kanila dati sa pamamagitan ng salita ni Yahweh, na sinabi niya kay Elias. 18 Pagkatapos sama-samang tinipon ni Jehu ang lahat ng tao at sinabi sa kanila, "naglingkod si Ahab kay Baal ng sandali, pero naglilingkod si Jehu sa kaniya nang higit pa. 19 Kaya ngayon ipadala sa akin ang lahat na propeta ni Baal, at lahat ng mga sumasamba sa kaniya, at lahat ng kaniyang mga pari. Huwag ninyong hayaang may maiwan, dahil mayroong akong isang dakilang handog para ialay kay Baal. Sinumang hindi dumating ay hindi mabubuhay." Pero ginawa ito ni Jehu nang may pandaraya, nang may layunin para patayin ang mga sumasamba kay Baal. 20 Sinabi ni Jehu, "Italaga ang isang mataimtim na kapulungan para kay Baal, at magbukod ng isang araw para dito." Kaya ipinahayag nila ito. 21 Pagkatapos nagpadala si Jehu sa buong Israel at dumating ang lahat ng mga sumasamba kay Baal, kaya walang isang lalaki ang naiwan doon na hindi dumating. Nagpunta sila sa templo ni Baal, at napuno nito ang dulo hanggang kabila. 22 Sinabi ni Jehu sa mga lalaki na nag-iingat sa lalagyan ng damit ng mga pari, "Ilabas ang mga damit para sa lahat ng sumasamba kay Baal." Kaya inilabas ng mga lalaki ang mga damit sa kanila. 23 Kaya nagpunta si Jehu kasama si Jonadab anak na lalaki ni Rechab sa bahay ni Baal, at sinabi niya sa mga sumasamba kay Baal, "Hanapin at siguraduhin na wala isa man dito na kasama ninyo mula sa mga lingkod ni Yahweh, pero ang mga sumasamba lamang kay Baal." 24 Pagkatapos nagpunta sila sa loob para maghandog ng mga alay at magsunog ng mga handog. Ngayon pumili si Jehu ng walumpung kalalakihan na nakatayo sa labas, at sinabi sa kanila, "Kung tumakas ang sinuman sa mga kalakihan na dinala ko sa inyo, sinuman ang nagpatakas sa lalaking iyon ay papatayin bilang kapalit ng buhay ng tumakas" 25 Sa sandaling natapos ni Jehu ang sinunog na handog, sinabi niya sa bantay at sa mga kapitan, "Pumasok at patayin sila. Huwag hayaang lumabas ang isa man." Kaya pinatay nila sila gamit ang talim ng espada, at itinapon sila ng bantay at ng mga kapitan at nagpunta sa loob ng silid ng bahay ni Baal. 26 At kinaladkad nila ang banal na mga posteng bato na nasa loob ng bahay ni Baal, at sinunog nila ito. 27 Sinira nila ang poste, at winasak ang bahay ni Baal at ginawa itong isang palikuran, hanggang sa araw na ito. 28 Ganoon winasak ni Jehu si Baal at tinanggal ang pagsamba nito mula sa Israel. 29 Pero hindi iniwan ni Jehu ang mga kasalanan ni Jeroboam anak ni Nebat, na ginawa niyang kasalanan sa Israel- iyon ay, ang pagsamba sa mga gintong guya sa Bethel at Dan. 30 Kaya sinabi ni Yahweh kay Jehu, "Dahil nagawa mong mabuti ang pagsasagawa kung ano ang matuwid sa aking paningin, at nagawa sa bahay ni Ahab ayon sa buong kalooban ng aking puso, ang inyong mga kaapu-apuhan ay uupo sa trono ng Israel hanggang sa apat na salinlahi." 31 Pero hindi nag-ingat si Jehu na lumakad sa batas ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, nang kaniyang buong puso. Hindi siya tumalikod mula sa mga kasalanan ni Jeroboam, sa pamamagitan nito ay ginawa niyang magkasala ang Israel. 32 Sa mga araw na iyon sinimulang tanggalin ni Yahweh ang mga rehiyon mula Israel, at tinalo ni Hazael ang mga Israelita sa mga hangganan ng Israel, 33 mula pasilangan ng Jordan, lahat ng lupain ng Galaad, ang mga Gadita, at ang mga Rubenita, at ang mga Manasita, mula Aroer, na nasa lambak ng Arnon, mula Galaad hanggang Bashan. 34 Para sa ibang mga bagay na ginawa ni Jehu, at lahat ng kaniyang ginawa, at lahat ng kaniyang kapangyarihan, hindi ba ito nakasulat sa Ang Aklat ng Kaganapan sa buhay ng mga Hari ng Israel? 35 Nahimlay si Jehu kasama ang kaniyang mga ninuno, at inilibing siya sa Samaria. Pagkatapos si Jehoahas na kaniyang anak ay naging hari na kapalit niya. 36 Dalawampu't walong taong naghari si Jehu sa Israel sa Samaria.
Chapter 11
1 Ngayon, nang nakita ni Atalia, ang ina ni Ahazias, na patay na ang kaniyang anak, tumayo siya at pinatay ang lahat ng mga anak ng hari. 2 Pero kinuha ni Jehoseba, anak na babae ni Haring Joram at kapatid ni Ahazias, si Joas anak ni Ahazias, at itinago siya malayo sa mga anak ng hari na pinatay, kasama ang kaniyang tagapag-alaga; itinago niya sila sa silid. Itinago nila siya mula kay Atalia para hindi siya mapatay. 3 Kasama niya si Jehoseba sa pagtatago sa tahanan ni Yahweh sa loob ng anim na taon, habang si Atalia ang naghahari sa lupain. 4 Nang ikapitong taon, nagpadala ng mensahe si Jehoiada at pinapunta ang mga pinuno ng daan-daang taga-Karito at tagapagbantay sa kaniya patungo sa templo ni Yahweh. Nakipagtipan siya sa kanila, at ipinanumpa sa tahanan ni Yahweh. Pagkatapos ipinakita niya sa kanila ang anak ng hari. 5 Inutusan niya sila at sinabing, "Ito ang dapat ninyong gawin. Ang ikatlong bahagi ninyo na pumupunta sa Araw ng Pamamahinga ay magbantay sa tahanan ng hari, ang ikatlo ay sa Tarangkahan ng Sur, 6 at ang ikatlo ay sa tarangkahan sa likod ng himpilan ng bantay." 7 At ang dalawa pang grupo, kayo na hindi naglilingkod sa Araw ng Pamamahinga, ay bantayan ang tahanan ni Yahweh para sa hari. 8 Paligiran ninyo ang hari, lahat ng may sandata sa kaniyang kamay. Sinuman ang pumasok mula sa inyong hanay, patayin ninyo siya. Samahan ninyo ang hari kapag siya ay lumalabas at pumapasok. 9 At sinunod ng mga pinuno ng daan-daan ang lahat ng inutos ni Joiada ang pari. Ang bawat pinuno ay isinama ang kanilang mga tauhan, ang mga naglilingkod tuwing Araw ng Pamamahinga pati na ang mga hindi naglilingkod; at pumunta sila kay Jehoiada, ang pari. 10 Pagkatapos ibinigay ni Jehoiada ang pari, sa mga pinuno ng daan-daan ang mga sibat at panangga na pag-aari noon ni Haring David, na nakatabi sa tahanan ni Yahweh. 11 Kaya ang mga tagapagbantay ay tumayo, ang bawat isa na may hawak na sandata, mula sa kanang bahagi ng templo hanggang sa kaliwang bahagi nito, sa paligid ng altar at templo, na nakapalibot sa hari. 12 Pagkatapos inilabas ni Jehoiada si Joas ang anak ng hari, ipinatong ang korona sa kaniya, at ibinigay sa kaniya ang tipan ng mga utos. Ginawa nila siyang hari at pinahiran siya ng langis. Nagpalakpakan sila at sinabing, "Mabuhay ang hari!" 13 Nang narinig ni Atalia ang ingay ng mga tagapagbantay at ng mga tao, pumunta siya sa tahanan ni Yahweh. 14 Tiningnan niya, at nakita ang hari na nakatayo sa gilid ng mga poste, gaya ng nakaugalian, at ang mga pinuno at manunugtog ng trumpeta ay kasama ng hari. Lahat ng tao sa lupain ay nagdiriwang at hinihipan ang trumpeta. Pagkatapos pinunit ni Atalia ang kaniyang damit at sumigaw, "Taksil! Taksil!" 15 At inutusan ni Jehoiada ang pari, ang mga pinuno ng daan-daan na kasama ng mga sundalo; sinabi niya sa kanila, "Ilabas ninyo siya sa gitna ng mga hanay. Sinuman ang sumunod sa kaniya, patayin sila gamit ang espada." Dahil sinabi ng pari, "Huwag ninyong hayaang mapatay siya sa tahanan ni Yahweh. 16 Kaya nagbigay daan sila sa kaniya, at pumunta siya sa tarangkahan ng kabayo patungo sa tahanan ng hari, at doon siya pinatay. 17 Kaya gumawa ng tipan si Jehoaida para kay Yahweh, kay Haring Joas at sa mga mamamayan, na sila ay dapat maging bayan ni Yahweh, at gumawa rin siya ng tipan sa pagitan ng hari at ng mga mamamayan. 18 Kaya lahat ng mamamayan sa lupain ay pumunta sa tahanan ni Baal at winasak ito. Pinagpira-piraso nila ang altar ni Baal at ang kaniyang imahe, at pinatay nila si Matan, ang pari ni Baal, sa harap ng mga altar na iyon. Pagkatapos nagtalaga ng mga tagapagbantay ang pari sa templo ni Yahweh. 19 Isinama ni Jehoiada ang mga pinuno ng daan-daan, ang mga Karito, ang tagapagbantay, at ang lahat ng mamamayan sa lupain. Ibinaba nila ang hari mula sa tahanan ni Yahweh at dumaan sa tarangkahan ng tagapagbantay patungo sa palasyo ng hari. 20 Kaya si Joas ay umupo sa trono. Lahat ng tao sa lupain ay nagdiwang, at ang lungsod ay tahimik. Tungkol naman kay Atalia, siya ay pinatay nila gamit ang espada sa palasyo ng hari. 21 Si Joas ay pitong taon nang magsimula siyang maghari.
Chapter 12
1 Sa ikapitong taon ni Jehu, nagsimulang maghari si Joas; naghari siya sa loob ng apatnapung taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kaniyang ina ay si Sibia, na taga-Beerseba. 2 Ginawa ni Joas kung ano ang matuwid sa mga mata ni Yahweh sa lahat ng oras dahil tinuturuan siya ni Jehoiada ang pari. 3 Pero ang mga dambana ay hindi niya pinagiba. Ang mga tao ay patuloy pa ring naghahandog at nagsusunog ng insenso roon. 4 Sinabi ni Joas sa mga pari, "Lahat ng salapi para sa mga kagamitan na nabibilang kay Yahweh at ang mga dinala sa tahanan ni Yahweh, ang buwis na naitala, at lahat ng salapi na ibinigay para sa templo ng mga taong inudyukan ni Yahweh na magbigay— 5 ang mga salaping ito ay iipunin ng mga pari, bawat isa sa kanila mula sa nagbabayad ng buwis, at gagamitin nila ito para ayusin ang templo kapag may kailangang ayusin. 6 Pero sa dalawampu't tatlong taon na paghahari ni Haring Joas, wala pang kahit anong naipaaayos ang mga pari sa templo. 7 Kaya tinawag ni Haring Joas si Jehoiada at ang ibang mga pari; sinabi niya sa kanila, "Bakit wala pa kayong naipaaayos sa templo? Ngayon hindi na kayo ang kukuha ng salapi sa mga nagbabayad ng buwis, pero kunin ninyo ang mga nakolekta para sa pagpapaayos ng templo at ibigay ninyo ito sa mga makakapag-ayos. 8 Kaya sumang-ayon ang mga pari na hindi na sila tatanggap ng salapi mula sa mga tao at hindi na rin sila ang mag-aayos ng templo. 9 Sa halip, kumuha si Joiada ang pari ng isang baul, binutasan niya ang takip nito, at inilagay ito sa gilid ng altar, sa kanang bahagi kung saan dumaraan ang tao patungo sa tahanan ni Yahweh. Lahat ng mga paring nagbabantay sa pasukan sa templo ay inilagay dito ang lahat ng salapi na dinala sa tahanan ni Yahweh. 10 Kapag nakikita nila na marami ng laman ang baul, lalapit ang mga eskriba ng hari at punong pari at ilalagay sa mga lalagyan ang salapi at bibilangin ito, ang salaping nakuha nila sa templo ni Yahweh. 11 Ibinigay nila ang salaping tinimbang sa mga kamay ng mga kalalakihang nangalaga sa templo ni Yahweh. Ibinayad nila ito sa mga karpentero at mga manggagawa na nagtatrabaho sa templo ni Yahweh, 12 at sa mga mason at nagtatapyas ng bato para ipambili ng kahoy at batong tinapyas para ayusin ang templo ni Yahweh, at para sa lahat ng dapat bayaran para maayos ito. 13 Pero ang mga salaping dinala sa tahanan ni Yahweh ay hindi ginamit para sa paggawa ng mga kopang pilak, mga pantabas ng mitsa, mga mangkok, mga trumpeta o anumang kasangkapan na gawa sa ginto o pilak. 14 Binigay nila ang salapi para sa mga nag-aayos ng tahanan ni Yahweh. 15 Bilang karagdagan, hindi na nila hinihingan ng ulat tungkol sa salapi na pampaggawa ang mga taong nakatanggap at nagbayad nito sa mga manggagawa, dahil ang mga taong ito ay matatapat. 16 Pero ang mga handog para pambayad sa kasalanan at ang handog para sa kapatawaran ng kasalanan ay hindi dinala sa templo ni Yahweh, dahil ang mga ito ay para sa mga pari. 17 Sa panahong iyon, nilusob at nilabanan ni Hazael hari ng Aram ang Gat, at sinakop ito. Pagkatapos tinangkang lusubin ni Hazael ang Jerusalem. 18 Kaya kinuha ni Joas hari ng Juda ang lahat ng kasangkapan na itinalaga nina Jehosafat at Joram at Ahazias, ang kaniyang mga ninuno, mga hari ng Juda, para kay Yahweh, ang kaniyang sariling mga banal na kasangkapan, at lahat ng ginto na makikita sa mga imbakan sa tahanan ni Yahweh at ng hari; ipinadala niya ang mga ito kay Hazael ang hari ng Aram. Pagkatapos umalis na si Hazael mula sa Jerusalem. 19 Ang iba pang bagay tungkol kay Joas, lahat ng kaniyang ginawa, hindi ba nasusulat sa Aklat ng mga Kaganapan sa Buhay ng mga Hari ng Juda? 20 Nag-alsa at sama-samang nagplano ang kaniyang mga lingkod; nilusob nila si Joas sa tahanan sa Millo, sa daan papunta ng Sila. 21 Si Josacar, anak ni Semiat, at Jehozabad anak ni Somer, na kaniyang lingkod, ay sinalakay siya at siya ay namatay. Inilibing nila si Joas kasama ng kaniyang mga ninuno sa lungsod ni David, at si Amasias, na kaniyang anak, ang naging hari kapalit niya.
Chapter 13
1 Sa ikadalawampu't tatlong taon na paghahari ni Joas, anak ni Ahasias hari ng Juda, si Jehoahas ay nagsimulang maghari sa Israel sa Samaria; naghari siya sa loob ng labimpitong taon. 2 Ginawa niya ang masama sa paningin ni Yahweh at sinundan niya ang mga kasalanan ni Jeroboam anak ni Nebat, na nagdulot sa Israel na magkasala; at hindi tumalikod si Jehoahas mula rito. 3 Dahil dito, nagsiklab ang galit ni Yahweh laban sa Israel at paulit-ulit niya silang pinasakop kay Hazael hari ng Aram at Ben Hadad anak ni Hazael. 4 Kaya nagsumamo si Jehoahas kay Yahweh, at pinakinggan siya ni Yahweh dahil nakita niya ang pang-aapi sa Israel, kung paano sila inaaapi ng hari ng Aram. 5 Kaya binigyan ni Yahweh ang Israel ng isang tagapagligtas, at sila ay nakatakas sa ilalim ng kapangyarihan ng mga Aramean, at ang bayan ng Israel ay nagsimulang mamuhay sa kani-kanilang tahanan gaya ng dati. 6 Gayunpaman, hindi nila tinalikuran ang mga kasalanan ni Jeroboam, na nagdulot sa Israel na magkasala, at nagpatuloy sila sa paggawa nito. At nanatili ang diyus-diyosang Asera sa Samaria. 7 Nagtira ang mga Amarean kay Jehoahas ng limampung mangangabayo lamang, sampung karwahe, at sampung libong kawal, dahil winasak sila ng hari ng Aram at ginawang tulad ng ipa sa panahon ng anihan. 8 Ang iba pang bagay tungkol kay Jehoahas, at ang lahat ng kaniyang ginawa at kaniyang kapangyarihan, hindi ba nasusulat sa Aklat ng mga Kaganapan sa Buhay ng mga Hari ng Israel? 9 Kaya nahimlay si Jehoahas kasama ng kaniyang mga ninuno, at siya ay inilibing nila sa Samaria. Si Joas na kaniyang anak ang naging hari kapalit niya. 10 Sa ikatatlumpu't pitong taon ng paghahari ni Joas hari ng Juda, nagsimula ang paghahari ni Jehoas anak ni Jehoahas sa Samaria; naghari siya sa loob ng labing-anim na taon. 11 Ginawa niya kung ano ang masama sa paningin ni Yahweh. Hindi niya tinalikuran ang kasalanan ni Jeroboam anak ni Nebat, kung saan nagdulot sa Israel na magkasala, at namuhay siya sa mga ito. 12 Ang iba pang bagay tungkol kay Joas, at lahat ng kaniyang ginawa, at kaniyang katapangan kung saan nakipaglaban siya kay Amasias hari ng Juda, hindi ba ito nasusulat sa Aklat ng mga Kaganapan sa Buhay ng mga Hari ng Israel? 13 Nakahimlay si Joas kasama ng kaniyang mga ninuno, at si Jeroboam ang umupo sa kaniyang trono. Inilibing si Joas sa Samaria kasama ng mga hari ng Israel. 14 Ngayon, si Eliseo ay nagkasakit na kaniyang ikinamatay kalaunan, kaya si Joas ay bumaba at nanangis sa kaniya. Sinabi niya, "Ama ko, ama ko, ang mga karwahe ng Israel at mga mangangabayo ay kinukuha ka palayo!" 15 Sinabi ni Eliseo, "Kumuha ka ng pana at ilang palaso," kaya si Joas ay kumuha ng isang pana at ilang mga palaso. 16 Sinabi ni Eliseo sa hari ng Israel, "Hawakan mo ang pana," kaya hinawakan niya ito. Pagkatapos, ipinatong ni Eliseo ang kaniyang kamay sa mga kamay ng hari. 17 Sinabi ni Eliseo, "Buksan mo ang bintanang nakaharap sa silangan," kaya binuksan niya ito. Pagkatapos sinabi ni Eliseo, "Pumana ka!", at pumana siya. Sinabi ni Eliseo, "Ito ang palaso ng katagumpayan ni Yahweh, palaso ng katagumpayan laban sa Aram, dahil lulusubin mo ang mga Aramean sa Afec hanggang matalo ninyo sila." 18 Pagkatapos sinabi ni Eliseo, "Kunin mo ang mga palaso," kaya kinuha ito ni Joas. Sinabi niya sa hari ng Israel, "Ipana mo ito sa lupa," at pinana niya ito sa lupa nang tatlong beses, pagkatapos tumigil siya. 19 Pero ang lingkod ng Diyos ay nagalit sa kaniya at sinabing, "Dapat pinana mo ang lupa ng lima o anim na beses. Pagkatapos lulusubin mo ang Aram hanggang maubos mo sila, pero ngayon, lulusubin mo lang sila ng tatlong beses." 20 Pagkatapos namatay si Eliseo, at siya ay inilibing. Ngayon sumalakay ang pangkat ng mga Moabita sa pagsisimula ng taon. 21 Habang inililibing nila ang isang lalaki, nakita nila ang isang pangkat ng Moabita, kaya inihagis nila ang katawan sa libingan ni Eliseo. Pagkadikit na pagkadikit ng lalaki sa mga buto ni Eliseo, nabuhay siya at tumayo. 22 Inapi ni Hazael hari ng Aram ang Israel sa panahon ng paghahari ni Jehoahas. 23 Pero mahabagin si Yahweh sa Israel at mayroon siyang awa at malasakit sa kanila, dahil sa kaniyang tipan kay Abraham, Isaac at Jacob. Kaya hindi sila winasak ni Yahweh, at hindi niya pa rin sila inilayo sa kaniyang presensiya. 24 Namatay si Hazael hari ng Aram, at si Ben Hadad na kaniyang anak ang naging hari kapalit niya. 25 Binawi ni Jehoas anak ni Joacaz mula kay Ben Hadad anak ni Hazael ang mga lungsod na kinuha mula kay Joacaz na kaniyang ama noong digmaan. Nilusob siya ni Joas tatlong beses, at nabawi niya ang mga lungsod ng Israel.
Chapter 14
1 Sa ikalawang taon ng paghahari ni Jehoas anak ni Jehoahas, hari ng Israel, si Amasias anak ni Joas, hari ng Juda ay nagsimulang maghari. 2 Dalawampu't limang taong gulang siya nang magsimula siyang maghari; naghari siya sa Jerusalem sa loob ng dalawampu't siyam na taon. Ang pangalan ng kaniyang ina ay Jehoadan, taga-Jerusalem. 3 Ginawa niya kung ano ang matuwid sa mga mata ni Yahweh, pero hindi katulad ng kaniyang ninunong si David. Ginawa niya ang lahat ng ginawa ni Joas na kaniyang ama. 4 Pero ang mga dambana ay hindi winasak. Ang mga tao ay patuloy na nag-aalay at nagsusunog ng insenso sa mga dambana. 5 Dumating ang pagkakataon nang tumatag na ang kaniyang paghahari, pinatay niya ang mga lingkod na pumatay sa kaniyang ama, ang hari. 6 Pero hindi niya ipinapatay ang mga anak ng mga mamamatay-tao; sa halip, kumilos siya ayon sa sinasabi ng Kasulatan, sa Aklat ni Moises, gaya ng iniutos ni Yahweh, na nagsasabing, "Ang mga ama ay hindi dapat patayin dahil sa kaniyang mga anak, ni ang mga anak dahil sa kanilang mga magulang. Sa halip, bawat tao ay dapat patayin dahil sa sarili niyang kasalanan." 7 Pinatay niya ang sampung libong sundalo sa Edom sa lambak ng Asin; sinakop niya rin ang Sela sa digmaan at tinawag itong Jokteel, kung saan ito pa rin ang tawag hanggang sa araw na ito. 8 Pagkatapos nagpadala si Amasias ng mga tagapagbalita para kay Jehoas anak ni Jehoahas anak ni Jehu hari ng Israel, na nagsasabing, "Halikayo, magkita-kita tayo ng harapan sa digmaan." 9 Pero nagpadala ng tagapagbalita si Jehoas hari ng Israel pabalik kay Amasias hari ng Juda, na sinasabing, "Ang matinik na halaman na nasa Lebanon ay nagpadala ng mensahe sa sedar sa Lebanon, nagsasabing, "Ibigay mo ang iyong anak na babae sa anak kong lalaki para maging asawa,' pero isang mabangis na hayop sa Lebanon ang dumaan at inapakan ang matinik na halaman. 10 Tunay nga na nilusob mo ang Edom, at itinaas ka ng iyong puso. Ipagmalaki mo ang iyong katagumpayan, pero manatili ka sa iyong tahanan, dahil bakit mo pa ilalagay sa kaguluhan at ibabagsak ang iyong sarili, ikaw pati na ang Juda? 11 Pero si Amasias ay hindi nakinig. Kaya lumusob si Jehoas, hari ng Israel; siya at si Amasias hari ng Juda ay nagkita ng harap-harapan sa Beth-semes, na pag-aari ng Juda. 12 Natalo ang Juda ng Israel, at ang bawat isa ay tumakas pauwi. 13 Nabihag ni Jehoas hari ng Israel, si Amasias hari ng Juda na anak ni Jehoas na anak ni Ahasias, sa Beth-semes. Pumunta siya sa Jerusalem at ibinagsak niya ang pader ng Jerusalem mula sa Tarangkahan ng Efraim hanggang Tarangkahan ng Sulok, apat na raang kubit ang layo. 14 Kinuha niya lahat ng ginto at pilak, lahat ng mga kagamitan na nakita sa tahanan ni Yahweh, at ang mga mahahalagang bagay sa palasyo ng hari, na may kasama ring bihag, at bumalik na sa Samaria. 15 Tungkol sa iba pang bagay kay Jehoas, lahat ng kaniyang ginawa, ang kaniyang kapangyarihan, at kung paano niya nilabanan si Amasias hari ng Juda, hindi ba nasusulat sa Aklat ng mga Kaganapan sa Buhay ng mga Hari ng Israel? 16 Pagkatapos nahimlay si Jehoas kasama ng kaniyang mga ninuno at inilibing sa Samaria kasama ng mga hari ng Israel, at si Jeroboam, ang kaniyang anak, ang naging hari ng Israel. 17 Si Amasias na anak ni Joas, hari ng Juda, ay nabuhay ng labinlimang taon pagkatapos ng kamatayan ni Jehoas anak ni Jeoahas, hari ng Israel. 18 Tungkol sa iba pang mga bagay kay Amasias, hindi ba nasusulat ang mga ito sa Aklat ng mga Kaganapan sa Buhay ng mga Hari ng Juda? 19 Nagsabwatan sila laban kay Amasias sa Jerusalem, at tumakas siya papuntang Laquis. Tumakas siya sa Laquis, pero nagpadala sila ng mga tauhan sa Laquis at pinatay siya roon. 20 Dinala nila siya pabalik sakay ng kabayo, at siya ay ibinurol kasama ng kaniyang mga ninuno sa lungsod ni David. 21 Kinuha ng mga tao si Uzias, na labing-anim na taong gulang, at ginawa siyang hari kapalit ng kaniyang amang si Amasias. 22 Si Uzias ang muling nagpatayo ng Elat at ibinalik ito sa Juda nang hinimlay si Amasias kasama ng kaniyang mga ninuno. 23 Nang ikalabinlimang taon ng paghahari ni Amasias anak ni Joas hari ng Juda, si Jeroboam anak ni Jehoas hari ng Israel, ay nagsimulang maghari sa Samaria; naghari siya ng apatnapu't isang taon. 24 Ginawa niya kung ano ang masama sa paningin ni Yahweh. Hindi siya tumalikod sa anumang kasalanan ni Jeroboam anak ni Nebat, na nagdulot para magkasala ang Israel. 25 Ibinalik niya ang hangganan ng Israel mula sa Lebo Hamat hanggang dagat ng Araba, bilang katuparan sa salita ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, na kaniyang sinabi sa pamamagitan ng kaniyang lingkod na si Jonas anak ni Amitai, ang propeta, na nagmula sa Gat-hefer. 26 Dahil nakita ni Yahweh ang paghihirap ng Israel, na napakapait para sa lahat, alipin man o malaya, at walang magliligtas sa Israel. 27 Kaya sinabi ni Yahweh na hindi niya buburahin ang pangalan ng Israel sa ilalim ng kalangitan; sa halip, niligtas niya sila sa pamamagitan ng kamay ni Jeroboam anak ni Jehoas. 28 Tungkol sa iba pang mga bagay kay Jeroboam, lahat ng kaniyang ginawa, kaniyang kapangyarihan, paano siya nakipagdigma at nabawi ang Damasco at Hamat, na pag-aari noon ng Juda, para sa Israel, hindi ba nasusulat ang mga ito sa Aklat ng mga Kaganapan sa Buhay ng mga Hari ng Israel? 29 Nahimlay si Jeroboam kasama ng kaniyang mga ninuno, kasama ang mga hari ng Israel, at si Zecarias ang kaniyang anak ang naging hari kapalit niya.
Chapter 15
1 Sa ika-dalawampu't pitong taon ni Jeroboam hari ng Israel, nagsimula ang paghahari ni Uzzias anak ni Amazias hari ng Juda. 2 Labing anim na taon si Uzzias ng magsimulang maghari. Naghari siya ng limampu't dalawang taon sa Jerusalem. Si Jecilias ng Jerusalem ang pangalan ng kaniyang ina. 3 Ginawa niya ang matuwid sa mata ni Yahweh, sinunod ang halimbawa ng kaniyang ama, at gumawa tulad ng ginawa ni Amazias. 4 Subalit, ang mga dambana ay hindi inalis. Patuloy na nag-aalay ang mga tao at nagsusunog ng insenso sa mga dambana. 5 Hinayaang magkaketong ni Yahweh ang hari hanggang sa araw ng kaniyang kamatayan at nanirahan sa isang nakahiwalay na tahanan. Si Jotam, ang anak ng hari, ang namahala sa sambahayan at naghari sa mga mamamayan ng lupain. 6 Ang iba pang mga bagay tungkol kay Uzzias, lahat ng kaniyang ginawa, hindi ba't ang mga ito ay nakasulat sa Ang Aklat ng Mga Kaganapan ng mga Buhay ng Hari ng Juda? 7 Kaya nahimlay si Uzzias kasama ng kaniyang mga ninuno; inilibing siya kasama ng kaniyang mga ninuno sa lungsod ni David. Si Jotam, kaniyang anak ay naging hari kapalit niya. 8 Sa ika tatlumpu't walong taon ni Uzzias hari ng Juda, si Zacarias anak ni Jeroboam ang naghari ng Israel sa Samaria sa loob ng anim na buwan. 9 Ginawa niya ang masama sa harapan ni Yahweh, gaya ng ginawa ng kaniyang ama. Hindi niya nilisan ang mga kasalanan ni Jeroboam anak ni Nebat, na siyang naging dahilan para magkasala ang Israel. 10 Naghimagsik si Sallum anak ni Jabes laban kay Zacarias, nilusob siya sa harap ng mga tao at pinaslang siya. Pagkatapos siya ang pumalit na hari kapalit niya. 11 Sa iba pang mga bagay tungkol kay Zacarias, ang mga ito ay nakasulat sa Aklat ng Mga Kaganapan ng mga Buhay ng Hari ng Israel. 12 Ito ang mga salita ni Yahweh na sinabi niya kay Jehu, sinasabing, ''Ang iyong kaapu-apuhan ay mauupo sa trono ng Israel hanggang sa ika-apat na salin lahi.'' At kaya ito ang naganap. 13 Nagsimulang maghari si Sallum anak ni Jabes sa ika-tatlumpu't siyam na taon ni Uzzias hari ng Juda, at siya naghari sa loob lamang ng isang buwan sa Samaria. 14 Mula sa Tirza si Menahem anak ni Gadi ay nagtungo sa Samaria. Doon nilusob niya si Sallum anak ni Jabes, sa Samaria. Pinatay niya siya at naging hari kapalit niya. 15 Sa iba pang mga bagay tungkol kay Sallum at ang paghihimagsik na kaniyang ginawa, nakasulat ang mga ito sa Aklat ng Mga Kaganapan ng mga Buhay ng Hari ng Israel. 16 Pagkatapos nilusob ni Menahem si Tipsa at lahat ng naroon, at ang mga hangganang palibot ng Tirza, dahil hindi nila ibinukas ang lungsod sa kaniya. Kaya nilusob niya ito, at nilaslas niya ang tiyan ng mga babaeng buntis sa nayon na iyon. 17 Sa ika-tatlumpu't siyam na taon ni Uzzias hari ng Juda nagsimulang maghari si Menahem anak ni Gadi sa Israel; siya ay naghari ng sampung taon sa Samaria. 18 Ginawa niya ang masama sa harapan ni Yahweh. Kaya sa buong buhay niya, hindi niya nilisan ang mga kasalan ni Jeroboam anak ni Nebat, na siyang nagdulot sa Israel na magkasala. 19 Pagkatapos si Pul ang hari ng Asiria ay dumating laban sa lupain at nagbigay si Menahem kay Pul ng isang libong talentong pilak, para siya ay tulungan ni Pul na palakasin ang kaharian ng Israel sa kaniyang pangunguna. 20 Siningil ni Menahem ang halagang ito mula sa Israel sa pag-uutos sa bawat mayayaman na magbayad ng limampung sekel ng pilak sa kaniya para ibigay sa hari ng Asiria. Kaya ang hari ng Asiria ay umuwi at hindi namalagi roon sa lupain. 21 Sa iba pang mga bagay tungkol kay Menahem, at ang lahat ng ginawa niya, hindi ba sila ay nakasulat sa Aklat ng Mga Kaganapan ng mga Buhay ng Hari ng Israel? 22 Kaya nahimlay si Menahen kasama ng kaniyang mga ninuno, at si Pekakias kaniyang anak ay naging hari kapalit niya. 23 Sa ika-limampung taon ni Uzzias hari ng Juda, si Pekakias anak ni Menahem ay nagsimulang maghari sa Israel sa Samaria; dalawang taon siyang naghari. 24 Ginawa niya ang masama sa harapan ni Yahweh. Hindi niya iniwan ang mga kasalanan ni Jeroboam anak ni Nebat, na siyang nagdulot sa Israel na magkasala. 25 Si Peka anak ni Remalias, isang kapitan na naglilingkod kay Pekakias, ay nakipagsabwatan kina Argob at Aries laban sa kaniya at pinaslang siya sa tanggulan ng palasyo ng hari sa Samaria. Kasama niya ang limampung kalalakihang taga-Galaad. Pinatay niya siya at naging hari kapalit niya. 26 Sa iba pang mga bagay tungkol kay Pekakias, lahat ng ginawa niya, ang mga ito ay nakasulat sa Aklat ng Mga Kaganapan ng mga Buhay ng Hari ng Israel. 27 Sa ika-limapu't dalawang taon ni Uzzias hari ng Juda, si Peka anak ni Remalias ay nagsimulang maghari sa Isarel sa Samaria; dalawampung taon siya naghari. 28 Ginawa niya ang masama sa harapan ni Yahweh. Hindi niya nilisan ang mga kasalanan ni Jeroboam anak ni Nebat, na siyang nagdulot na magkasala ang Israel. 29 Sa mga panahon na si Peka ay hari ng Israel, si Tiglat Pileser hari ng Asiria ay dumating at sinakop ang Ijon, Abelbetmaaca, Janoas, Kades, Hazor, Galaad, Galilee, at lahat ng lupain ng Naftali. Tinangay niya ang mga mamamayan sa Asiria. 30 Kaya si Hosea anak ni Ela ay nagbuo ng isang sabwatan laban kay Peka anak ni Remalias. Nilusob niya at pinatay siya. Pagkatapos siya ay naghari kapalit niya, sa ika-dalawampung taon ni Jotam anak ni Uzzias. 31 Sa iba pang mga bagay tungkol kay Peka, lahat ng ginawa niya, ang mga ito ay nakasulat sa Aklat ng Mga Kaganapan ng mga Buhay ng Hari ng Israel. 32 Sa ikalawang taon ni Peka anak ni Remalias, hari ng israel, nagsimulang maghari si Jotam anak ni Uzzias, hari ng Juda. 33 Dalawampu't limang taon gulang siya nang magsimula siyang maghari; labing anim na taon siyang naghari sa Jerusalem. Jerusa ang pangalan ng kaniyang ina; siya ay anak ni Zadok. 34 Matuwid ang ginawa ni Jotam sa paningin ni Yahweh. Sinunod niya ang halimbawang ginawa ng kaniyang amang si Uzzias. 35 Subalit, ang mga dambana ay hindi inalis. Nag-aalay pa rin at nagsusunog ng insenso ang mga tao sa mga dambana. Ipinagawa ni Jotam ang tarangkahan sa gawing itaas ng tahanan ni Yahweh. 36 Sa iba pang mga bagay tungkol kay Jotam, lahat ng kaniyang ginawa, hindi ba ang mga ito ay nakasulat sa Aklat ng Mga Kaganapan ng mga Buhay ng Hari ng Juda? 37 Sa panahong iyon sinimulang isugo ni Yahweh sina Rezin hari ng Aram, at Peka anak ni Remalias laban sa Juda. 38 Nahimlay si Jotam kasama ng kaniyang mga ninuno at inilibing kasama ng kaniyang ninuno sa lungsod ni David. Pagkatapos si Ahaz, kaniyang anak, ay naging hari kapalit niya.
Chapter 16
1 Sa ika-labing pitong taon ni Peka anak ni Remalias, si Ahaz anak ni Jotam hari ng Juda ay nagsimulang maghari. 2 Dalampung taong gulang si Ahaz nang magsimulang maghari, at siya ay labing anim na taong naghari sa Jerusalem. Hindi niya ginawa ang matuwid sa paningin ni Yahweh kaniyang Diyos, tulad sa ginawa ni David kaniyang ninuno. 3 Sa halip, nilakaran niya ang landas ng mga hari ng Israel; sa katunayan, sinunog niya ang kaniyang anak bilang isang handog na sinusunog, ayon sa nakasusuklam na mga kaugalian ng mga bansa, na itinaboy ni Yahweh sa harapan ng mamamayan ng Israel. 4 Naghandog siya ng mga alay at nagsunog ng insenso sa matataas na lugar, sa tuktok ng burol, at sa lilim ng bawat luntiang puno. 5 Pagkatapos si Rezin, hari ng Aram at Peka anak ni Remalias, hari ng Israel, ay dumating at sinalakay ang Jerusalem. Napalibutan nila si Ahaz, pero hindi siya magapi. 6 Sa panahong iyon, si Rezin hari ng Aram ay nabawi ang Elat para sa Aram at itinaboy ang mga taga-Juda mula sa Elat. Pagkatapos dumating ang mga taga-Aram sa Elat kung saan sila ay naninirahan hanggang sa mga araw na ito. 7 Kaya nagsugo ng mga tagapagbalita si Ahaz kay Tiglat Pileser hari ng Asiria, sinasabing, ''Ako ay iyong lingkod at iyong anak. Lumapit ka at iligtas ako mula sa kamay ng hari ng Aram at mula sa kamay ng hari ng Israel, na lumusob sa akin.'' 8 Kaya kinuha ni Ahaz ang pilak at gintong mayroon sa tahanan ni Yahweh at kasama ng mga yaman ng palasyo ng hari at ipinadala ito bilang isang handog sa hari ng Asiria. 9 Pagkatapos pinakinggan siya ng hari ng Asiria, at dumating ang hari ng Asiria laban sa Damasco, sinakop ito at ibinilanggo ang kanilang mamamayan sa Kir. Pinaslang din niya si Rezin ang hari ng Aram. 10 Nagtungo sa Damasco si Haring Ahaz para makipagkita kay Tiglat Pileser hari ng Asiria. Sa Damasco nakita niya ang isang altar. Pinadala niya kay Urias ang pari ang isang modelo ng altar at pagpaparisan nito at ang plano ng lahat ng kailangang gawin. 11 Kaya si Urias ang pari ay nagtayo ng altar ayon sa plano na ipinadala ni Haring Ahaz mula sa Damasco. Ito ay natapos bago bumalik si Haring Ahaz mula sa Damasco. 12 Nang dumating ang hari mula sa Damasco nakita niya ang altar; lumapit ang hari sa altar at nag-alay dito. 13 Inalay niya ang kaniyang handog na susunugin, at handog na butil, ibinuhos niya ang kaniyang handog na iinumin, at iwinisik ang dugo ng handog ng pakikisama sa altar. 14 Ang tansong altar na nasa harap ni Yahweh - inilipat niya ito mula sa harap ng templo, mula sa pagitan ng kaniyang altar at templo ni Yahweh at nilipat ito sa gawing hilaga ng kaniyang altar. 15 Pagkatapos inutusan ni Haring Ahaz si Urias ang pari, sinasabing, '' Sa malaking altar sunugin ang pang-umagang handog na susunugin at sa gabi ang handog na butil, at ang handog na susunugin ng hari at kaniyang handog na butil, kasama ang handog na susunugin ng lahat ng mga tao sa lupain, at ang kanilang handog na butil at kanilang handog na iinumin. Wisikan itong lahat ng dugo ng handog na susunugin at lahat ng dugo ng iaalay. Pero ang tansong altar ay para sa aking paghingi ng tulong ng Diyos. 16 Ginawa nga ni Urias ang pari kung ano ang pinag-utos ni Haring Ahaz. 17 Pagkatapos inalis ni Haring Ahaz ang mga balangkas at palanggana mula sa mga nalilipat na patungan; inalis din niya ang dagat mula sa bakang tanso na nasa ilalim nito at inilapag sa batong nakalatag. 18 Inalis din niya ang may bubong na daanan na kanilang itinayo sa templo para sa araw ng Pamamahinga, kasama ang pasukan ng hari sa labas ng templo, lahat dahil sa hari ng Asiria. 19 Sa iba pang mga bagay tungkol kay Ahaz at kung ano ang kaniyang ginawa, hindi ba ang mga ito ay nakasulat sa Ang Aklat ng mga Kaganapan ng mga Buhay ng Hari ng Juda? 20 Nahimlay si Ahaz kasama ng kaniyang ninuno at inilibing kasama ang mga ninuno niya sa lungsod ni David. Si Hezekias kaniyang anak ay naging hari kapalit niya.
Chapter 17
1 Sa ika-labindalawang taon ni Ahaz hari ng Juda, nagsimula ang paghahari ni Hosea anak ni Ela. Siyam na taon niyang pinamunuan ang buong Israel sa Samaria. 2 Ginawa niya ang masama sa paningin ni Yahweh, gayon man hindi katulad ng mga nakaraang hari ng Israel. 3 Nilusob siya ni Salmaneser hari ng Asiria, at naging lingkod niya si Hosea at nagbigay sa kaniya ng buwis. 4 Pagkatapos nabatid ng hari ng Asiria na si Hoesa ay nagbabalak laban sa kaniya, dahil nagsugo ng mga mensahero si Hosea kay So hari ng Ehipto; gayundin, hindi siya nagbibigay ng buwis sa hari ng Asiria, tulad ng ginagawa niya taon-taon. Kaya ang hari ng Asiria ay iginapos at ikinulong siya. 5 Pagkatapos nilusob ng hari ng Asiria ang buong lupain, at nilusob ang Samaria at sinakop ito sa loob ng tatlong taon. 6 Sa ika-siyam na taon ni Hosea, sinakop ng hari ng Asiria ang Samaria at dinalang bihag ang Israel sa Asiria. Dinala niya sila sa Hala, sa Ilog Habor sa Gozan, at sa mga lungsod ng Medes. 7 Ang pagkakabihag na ito ay naganap dahil ang mga Israelita ay nagkasala laban kay Yahweh ang kanilang Diyos, na naglabas sa kanila mula sa lupain ng Egipto, mula sa kapangyarihan ng Faraon hari ng Egipto. Ang mga tao ay sumasamba sa ibang mga diyos at 8 sinusundan ang mga kaugalian ng mga bansang itinaboy ni Yahweh sa harapan ng mga Israelita, at sa mga kaugalian ginagawa ng mga hari ng Israel. 9 Ang mga Israelita ay palihim na gumawa ng mga bagay na hindi matuwid laban kay Yahweh ang kanilang Diyos. Nagtayo sila ng mga dambana sa lahat ng lungsod, mula sa tore ng tagabantay hanggang sa pinagtibay na lungsod. 10 Nagtayo rin sila ng mga banal na batong poste at poste ni Asera sa bawat burol at lilim ng luntiang puno. 11 Nagsunog sila ng insenso roon sa mga dambana, tulad ng mga ginagawa ng mga bansa, silang mga itinaboy ni Yahweh sa kanilang harapan. Nagsagawa ang mga Israelita ng mga masasamang bagay na nagpagalit kay Yahweh; 12 sumamba sila sa diyus-diyosan, na sinabi ni Yahweh sa kanila, ''huwag ninyo itong gagawin.'' 13 Gayon man si Yahweh ay nagpahayag sa Israel at sa Juda sa bawat propeta at sugo, sinasabing, ''Talikuran ang inyong masasamang gawa at sundin aking mga utos at aking mga bilin, at maingat na sundin lahat ng batas aking pinag-utos sa inyong mga ama, at aking ipinabatid sa inyo sa pamamagitan ng aking mga lingkod ang mga propeta.'' 14 Pero hindi sila nakikinig; sa halip sila ay nagmamatigas tulad ng kanilang mga ninuno na hindi nagtiwala kay Yahweh ang kanilang Diyos. 15 Tinanggihan nila ang kaniyang kautusan at ang tipang ginawa sa pagitan niya at kanilang mga ninuno, at mga utos sa tipan na kaniyang binigay sa kanila. Sinunod nila ang mga walang kabuluhang kaugalian at maging sila mismo ay naging walang kabuluhan. Sinundan nila ang mga paganong bansang nakapaligid sa kanila, silang pinag-utos na Yahweh na huwag gagayahin. 16 Sinuway nilang lahat ang mga utos ni Yahweh na kanilang Diyos. Gumawa sila ng imahe ng dalawang batang baka mula sa hinulmang bakal para sambahin. Gumawa sila ng poste ni Asera, at sinamba lahat ng bituin sa langit at si Baal. 17 Inalay nila ang kanilang mga anak na lalaki at babae sa apoy bilang mga handog na susunugin, gumamit ng panghuhula at panggagayuma, pinagbili kanilang mga sarili para gawin ang masama sa paningin ni Yahweh, at siya ay galitin. 18 Kaya galit na galit sa Israel si Yahweh at inalis sila sa kaniyang paningin. Walang ibang natira maliban sa lipi ni Juda. 19 Kahit ang Juda ay hindi sinunod ang mga utos ni Yahweh ang kanilang Diyos, pero sa halip ay sinundan din ang mga kaugaliang sinusunod ng Israel. 20 Kaya tinanggihan ni Yahweh lahat ng lahi ng Israel; pinahirapan niya sila at ibinigay sila sa kamay ng mga taong aako sa kanila bilang bagay na samsam, hanggang itinaboy niya sila sa kaniyang harapan. 21 Pinilas niya ang Israel sa maharlikang angkan ni David, at ginawa nilang hari si Jeroboam anak ni Nebat. Nilihis ni Jeroboam ang Israel mula sa pagsunod kay Yahweh at hinayaan gumawa ng isang malaking kasalanan. 22 Sinunod ng mga Israelita lahat ng pagkakasala ni Jeroboam at hindi nilisan ang mga ito, 23 kaya inalis ni Yahweh ang Israel sa kaniyang paningin, gaya ng sinabi niya sa lahat ng kaniyang mga lingkod ang mga propeta na gagawin niya. Kaya ang Israel ay tinanggay sa Asiria mula sa sarili niyang lupain, at ito ang kalagayan hanggang sa araw na ito. 24 Nagdala ng mga tao ang hari ng Asiria mula Babilonia at mula Cuta, at mula Avva, at mula Hamat at Separvaim, at inilagay sila sa mga lungsod ng Samaria kapalit ng mga Israelita. Pinamahalaan nila ang Samaria at nanirahan sa mga lungsod nito. 25 Naganap ito sa simula ng kanilang paninirahan doon na hindi nila pinarangalan si Yahweh. Kaya nagsugo ng mga leon si Yahweh sa kalagitnaan nila na pumatay ng ilan sa kanila. 26 Kaya sila ay nakipag-usap sa hari ng Asiria, nagsabing, ''Ang bansang dinala mo at inilagay sa mga lungsod ng Samaria ay walang alam sa mga kaugaliang hinihingi ng diyos ng lupain. Kaya siya ay nagsugo ng mga leon sa aming kalagitnaan, at, tingnan mo, pinapatay ng mga leon ang mga tao dahil hindi nila alam ang kaugaliang hinihingi ng diyos ng lupain. 27 Pagkatapos pinag-utos ng hari ng Asiria, sinasabing, '''Kunin ang isa sa mga pari na dinala mo mula roon, at pakawalan siya at hayaang mamuhay doon, at hayaang siyang turuan sila ng kaugaliang hinihingi ng diyos ng lupain.'' 28 Kaya ang isang pari na kanilang dinala mula sa Samaria ay dumating at namuhay sa Bethel; sila ay tinuruan niya kung paano nila dapat pararangalan si Yahweh. 29 Ang bawat katutubo ay gumagawa ng kanilang sariling diyos, at nilalagay sila sa mga dambana na ginawa ng mga Samaritano - bawat katutubo sa mga lungsod kung saan sila naninirahan. 30 Ginawa ng taga-Babilonia si Succot Benot; ginawa ng taga-Cut si Nergal; ginawa ng taga-Hamat si Asima; 31 ginawa ng mga Awites si Nibhaz at Tartak; at sinunog ng mga Sefarvita ang kanilang mga anak kay Adrammelek at Anammelek, ang mga diyos ng mga Sefarvita. 32 Pinarangalan din nila si Yahweh, at nagtalaga mula sa kanilang sarili ng mga pari sa mga matataas na lugar, na nag-aalay para sa kanila sa templo sa mga dambana. 33 Pinarangalan nila si Yahweh at sumamba rin sa kanilang mga diyos, sa kaugalian ng mga bansa pinanggalingan nila. 34 Sa mga araw na ito nanatili sila sa kanilang sinaunang kaugalian. Hindi nila pinararangalan si Yahweh, ni sundin nila ang mga bilin, atas, ang batas, o ang utos na ibinigay ni Yahweh sa bayan ni Jacob - na siyang pinangalanang Israel - 35 at sa kanila nakipagtipan si Yahweh at inutusan sila, ''Huwag ninyong katatakutan ang ibang mga diyos, ni yuyukod sa mga iyon, ni sasambahin sila, ni mag-aalay sa kanila. 36 Pero si Yahweh, na naglabas sa inyo mula sa lupain ng Egipto nang may dakilang kapangyarihan at isang nakataas na kamay, ay siyang ninyong pararangalan; sa kaniya kayo magpapatirapa, at mag-aalay. 37 Ang mga kautusan at mga atas, ang batas at ang mga utos na sinulat niya sa inyo, ay dapat ninyong sundin magpakailanman. Kaya hindi ninyo dapat katakutan ang ibang mga diyos, 38 at ang tipang ginawa ko sa inyo, ay hindi ninyo makalilimutan; at hindi ninyo pararangalan ang ibang mga diyos. 39 Pero si Yahweh inyong Diyos ay siyang ninyong pararangalan. Siya ang magliligtas sa iyo mula sa kapangyarihan ng inyong mga kaaway.'' 40 Hindi sila makikinig, dahil patuloy nilang ginagawa ang ginawa nila dati. 41 Kaya may takot ang mga bansang ito kay Yahweh at sinamba rin ang kanilang mga inukit na imahe, at ganoon din ang ginawa ng kanilang mga anak - tulad ng ginawa ng kanilang mga apo. Nagpapatuloy sila sa ginawa ng kanilang ninuno, hanggang sa araw na ito.
Chapter 18
1 Ngayon sa pangatlong taon ni Hosea na anak ni Ela, hari ng Israel, nagsimulang maghari si Hezekias na anak ni Ahaz, hari ng Juda. 2 Dalawampu't limang taong gulang siya nang magsimula siyang maghari; naghari siya ng dalawampu't siyam na taon sa Jerusalem. Abija ang pangalan ng kaniyang ina; na anak ni Zecarias. 3 Ginawa niya ang tama sa paningin ni Yahweh, sinunod ang lahat ng halimbawa na ginawa ni David, na kaniyang ninuno. 4 Tinanggal niya ang mga dambana, winasak ang mga sagradong poste na gawa sa bato, at pinutol ang mga poste ni Asera. Pinagpira-piraso niya ang tansong ahas na ginawa ni Moises, dahil sa mga panahon na iyon nagsusunog dito ng insenso ang bayan ng Israel; tinawag itong "Nehustan". 5 Nagtiwala si Hezekias kay Yahweh, ang Diyos ng Israel, na walang katulad sa lahat ng mga haring sumunod sa kaniya, ni sa mga haring sinundan niya. 6 Dahil nanindigan siya kay Yahweh. Hindi siya tumigil sa pag-sunod sa kaniya pero iningatan niya ang lahat ng kaniyang mga kautusan, na inutos ni Yahweh kay Moises. 7 Kaya sinamahan ni Yahweh si Hezekias, at saanman siya pumunta siya ay sumagana. Naghimagsik siya laban sa hari ng Asiria at hindi siya pinaglingkuran. 8 Nilusob niya ang mga taga-Filisteo patungong Gaza at ang mga hangganang nasa paligid, mula sa tore ng bantay hanggang sa matibay na lungsod. 9 Sa ika-apat na taon ni Haring Hezekias, na ika-pitong taon ni Haring Hosea na anak ni Ela hari ng Israel, nilusob ni Salmaneser na hari ng Asiria ang Samaria at pinalibutan ito. 10 Sa katapusan ng ikatlong taon ay kinuha nila ito, sa ika-anim na taon ni Hezekias, na ika-siyam na taon ni Hoshea na hari ng Israel; sa ganitong paraan ay nasakop ang Samaria. 11 Kaya dinala ng hari ng Asiria ang mga Israelita papuntang Asiria at nilagay sila sa Hala, at sa Ilog Habor sa Gozan, at sa mga lungsod ng Medes. 12 Ginawa niya ito dahil hindi nila sinunod ang tinig ni Yahweh na kanilang Diyos, pero nilabag ang kaniyang tipan, lahat ng inutos ni Moises ang lingkod ni Yahweh. Tinanggihan nilang makinig dito o gawin ito. 13 Pagkatapos sa ika-labing apat na taon ni Haring Hezekias, nilusob ni Senaquerib na hari ng Asiria ang lahat ng matitibay na lungsod ng Juda at sinakop sila. 14 Kaya nagpadala si Hezekias hari ng Juda ng mensahe sa hari ng Asiria, na nasa Lacis, sinasabing, "Nasaktan ko ang iyong kalooban. Lumayo ka mula sa akin. Titiisin ko kung anuman ang ipataw mo sa akin." Hiningi ng hari ng Asiria kay Hezekias na hari ng Juda na magbayad ng tatlong daang talento ng pilak at tatlumpung talento ng ginto. 15 Kaya binigay sa kaniya ni Hezekias ang lahat ng pilak na natagpuan sa tahanan ni Yahweh at sa mga pananalapi sa palasyo ng hari. 16 Pagkatapos pinutol ni Hezekias ang ginto mula sa mga pinto ng templo ni Yahweh at mula sa mga poste na kaniyang pinagpatungan; binigay niya ang ginto sa hari ng Asiria. 17 Pero pinakilos ng hari ng Asiria ang kaniyang dakilang hukbo, pinadala si Tartan at Rabsaris at ang punong tagapag-utos mula sa Lacis kay Haring Hezekias sa Jerusalem. Naglakbay sila sa kalsada at dumating sa labas ng Jerusalem. Nilapitan nila ang padaluyan ng tubig sa itaas na tubigan, sa malawak na daanan ng mga naglalaba, at tumayo dito. 18 Nang nanawagan sila kay Haring Hezekias, sina Eliakim na anak ni Hilkias, na namamahala ng sambahayan, at Sebna ang eskriba, at Joas anak ni Asaf, ang tagapagtala, ay lumabas para katagpuin sila. 19 Kaya sinabi sa kanila ng punong tagapag-utos na sabihin kay Hezekias kung ano ang sinabi ng dakilang hari, ang hari ng Asiria: "Ano ang pinanggagalingan ng iyong kapanatagan? 20 Nagsasalita ka lang ng mga walang kabuluhang mga salita, sinasabi mong may mga alyansa at lakas para sa digmaan. Ngayon sino ang iyong pinagkakatiwalaan? Sino ang nagbigay sa iyo ng tapang na maghimagsik laban sa akin? 21 Tingnan mo, nagtitiwala ka sa tungkod na panglakad ng bugbog na tambo ng Ehipto, pero kapag sinandalan ito ng isang tao tutusok ito sa kaniyang kamay at bubutasin ito. Iyon ang Paraon hari ng Ehipto sa sinumang nagtitiwala sa kaniya. 22 Pero kapag sinabi mo sa akin, 'Nagtitiwala kami kay Yahweh aming Diyos', hindi ba't siya ang tinaggalan ni Hezekias ng mga dambana at mga altar, at sinabi sa Juda at sa Jerusalem, 'Dapat kayong magsamba sa altar na ito sa Jerusalem'? 23 Kaya ngayon, nais kong gumawa ka ng magandang alok mula sa aking panginoon ang hari ng Asiria. Bibigyan kita ng dalawang libong kabayo, kung makakahanap ka ng mga sasakay sa kanila. 24 Paano mo malalabanan kahit ang isang kapitan ng mahihina sa mga lingkod ng aking panginoon? Pinagkatiwalaan mo ang Ehipto para sa mga karwahe at mangangabayo! 25 Naglakbay ba ako dito nang wala si Yahweh para labanan at wasakin ang lugar na ito? Sinabi sa akin ni Yahweh, 'Lusubin mo ang lupain at wasakin ito.'" 26 Pagkatapos sinabi nila Eliakim na anak ni Hilkias, ni Sebna, at ni Joas sa punong tagapag-utos, "Pakiusap, kausapin mo ang iyong mga lingkod sa wikang Aramaic, dahil naiintindihan namin ito. Huwag mo kaming kausapin sa wika ng Juda sa tainga ng mga mamamayang nasa pader." 27 Pero sinabi ng punong tagapag-utos sa kanila, "Pinadala ba ako ng aking panginoon para sabihin sa inyong panginoon at sa inyo ang mga salitang ito? Hindi ba niya ako pinadala para sa mga taong nakaupo sa pader, ang kakain ng kanilang sariling mga dumi at iinumin ang kanilang mga ihi kasama ninyo?" 28 Pagkatapos tumayo ang punong tagapag-utos at sumigaw nang may malakas na tinig sa wikang Judio, "Makinig sa salita ng dakilang hari, ang hari ng Asiria. 29 Sinasabi ng hari, "Huwag ninyong hayaang linlangin kayo ni Hezekias, dahil hindi niya kayo maliligtas mula sa aking kapangyarihan. 30 Huwag ninyong hayaang pilitin kayo ni Hezekias na pagkatiwalaan si Yahweh, na sinasabing, "Siguradong ililigtas tayo ni Yahweh; hindi mapapasakamay ang lungsod na ito sa hari ng Asiria.'" 31 Huwag kayong makinig kay Hezekias, dahil ito ang sinasabi ng hari ng Asiria: 'Makipagpayapaan kayo sa akin at lumabas kayo at pumunta sa akin. Pagkatapos ang bawat isa sa inyo ay kakain sa sarili niyang ubasan at mula sa sarili niyang puno ng igos, at iinom ng tubig mula sa sarili niyang balon. 32 Gagawin ninyo ito hanggang sa dumating ako at dalhin kayo sa lupaing gaya ng inyong sariling lupain, isang lupain ng butil at bagong alak, isang lupain ng tinapay at ubasan, isang lupain ng mga puno ng olibo at pulot, para mabuhay kayo at hindi mamatay.' Huwag kayong makinig kay Hezekias kapag sinubukan niya kayong pilitin, na sinasabing, 'Sasagipin tayo ni Yahweh.' 33 Mayroon ba sa mga diyos ng mga tao ang sumagip sa kanila mula sa kapangyarihan ng hari ng Asiria? 34 Nasaan na ang mga diyos ng Hamat at Arpad? Nasaan na ang mga diyos ng Sefarvaim, Hena, at Iva? Sinagip ba nila ang Samaria mula sa aking kamay? 35 Sa lahat ng mga diyos sa lupain, mayroon bang diyos na nakapagsagip ng kaniyang lupain mula sa aking kapangyarihan? Paano ililigtas ni Yahweh ang Jerusalem mula sa aking kapangyarihan?" 36 Pero nanatiling tahimik ang mga mamamayan at hindi sumagot, dahil sinabi sa kanila ng hari, "Huwag ninyo siyang sasagutin." 37 Pagkatapos sina Eliakim na anak ni Hilkias, ang pinuno ng sambahayan; si Sebna ang eskriba; at Joas ang anak ni Asaf, ang tagapagtala, ay pinuntahan si Hezekias nang may mga punit na damit, at inulat sa kaniya ang mga sinabi ng punong tagapag-utos.
Chapter 19
1 Nangyari nga nang malaman ni Haring Hezekias ang ulat, pinunit niya ang kaniyang damit, binalutan ang kaniyang sarili ng magaspang na tela, at nagpunta sa tahanan ni Yahweh. 2 Pinadala niya si Eliakim, na tagapamahala ng sambahayan, at Sebna ang eskriba, at ang mga nakatatanda sa mga pari, na binabalutan ng magaspang na tela, kay Isaias ang anak ni Amoz, ang propeta. 3 Sinabi nila sa kaniya, "Sinasabi ni Hezekias, 'Ang araw na ito ay araw ng kabalisaan, pagsaway, at kahihiyan, dahil dumating na ang panahon ng pagpapanganak sa mga sanggol, pero walang lakas para isilang sila. 4 Maaaring pakikinggan ni Yahweh ang inyong Diyos ang lahat ng mga sinabi ng punong tagapag-utos, na pinadala ng hari ng Asiria na kaniyang panginoon para labanan ang buhay na Diyos, at sasawayin ang mga salitang narinig ni Yahweh na inyong Diyos. Ngayon ay itaas ninyo ang inyong mga panalangin para sa mga nalalabing naririto pa." 5 Kaya pumunta ang mga lingkod ni Haring Hezekias kay Isaias, 6 at sinabi sa kanila ni Isaias, "Sabihin ninyo sa inyong panginoon: 'Sinasabi ni Yahweh, "Huwag kang matakot sa mga salitang narinig mo, kung saan kinutya ako ng mga lingkod ng hari ng Asiria. 7 Tingnan mo, maglalagay ako sa kaniya ng espiritu, at makaririnig siya ng isang ulat at babalik siya sa sarili niyang lupain. Dudulutin ko siyang malaglag sa espada sa sarili niyang lupain." 8 Pagkatapos bumalik ang punong tagapag-utos at natagpuan ang hari ng Asiria na nakikipagdigmaan laban sa Libna, dahil narinig niyang umalis ang hari mula sa Lacis. 9 Pagkatapos narinig ni Senaquerib na kumilos si Tirhaka ang hari ng Etiopia at ang Ehipto para kalabanin siya, kaya muli siyang nagpadala ng mensahero kay Hezekias na may mensaheng: 10 "Sabihin mo kay Hezekias hari ng Juda, 'Huwag mong hayaang linlangin ka ng Diyos na siyang pinagkakatiwalaan mo, na sinasabing, "Hindi mapapasakamay ng hari ng Asiria ang Jerusalem. 11 Tingnan mo, narinig mo ang ginawa ng mga hari ng Asiria sa lahat ng mga lupain sa pamamagitan ng ganap na pagwawasak sa kanila. Kaya masasagip ka ba? 12 Niligtas ba sila ng mga diyos ng mga bansa, ang mga bansang winasak ng aking mga ama: Gozan, Haran, Rezef, at ang mga mamamayan ng Eden sa Telasar? 13 Nasaan ang mga hari ng Hamat, ang hari ng Arpad, ang hari ng mga lungsod ng Sefarvaim, ng Hena, at Iva?" 14 Natanggap ni Hezekias ang liham na ito mula sa mga mensahero at binasa ito. Umakyat siya sa tahanan ni Yahweh at nilatag ito sa kaniyang harapan. 15 Pagkatapos nanalangin si Hezekias sa harapan ni Yahweh at sinabing, "Yahweh ng mga hukbo, Diyos ng Israel, ikaw na nakaluklok sa ibabaw ng kerubim, ikaw lang ang Diyos sa lahat ng mga kaharian sa buong mundo. Nilikha mo ang langit at ang lupa. 16 Ibaling mo ang iyong tainga, Yahweh, at makinig. Buksan mo ang iyong mga mata, Yahweh, at tingnan, at pakinggan ang mga salita ni Senaquerib, na kaniyang pinadala para kutyain ang buhay na Diyos. 17 Tunay nga, Yahweh, winasak ng mga hari ng Asiria ang mga bansa at ang kanilang mga lupain. 18 Nilagay nila ang kanilang mga diyos sa apoy, dahil hindi sila mga diyos pero gawa ng mga kamay ng mga tao, kahoy lamang at bato. Kaya winasak sila ng mga taga-Asiria. 19 Kaya ngayon, Yahweh aming Diyos, iligtas mo kami, nagmamakaawa ako, mula sa kaniyang kapangyarihan, para malaman ng lahat ng mga kaharian sa mundo na ikaw, Yahweh, ang nag-iisang Diyos." 20 Pagkatapos nagpadala si Isaias na anak ni Amoz ng mensahe kay Hezekias, sinasabing, "Sinasabi ni Yahweh ang Diyos ng Israel, 'Dahil nanalangin ka sa akin tungkol kay Senaquerib ang hari ng Asiria, narinig kita. 21 Ito ang mensahe na sinabi ni Yahweh tungkol sa kaniya: "Kinamumuhian ka ng birheng anak na babae ng Sion at pinagtatawanan ka para hamakin ka. Iniiling ng anak na babae ng Jerusalem ang kaniyang ulo sa iyo. 22 Sino ang iyong sinuway at kinutya? At sino ang iyong pinagtaasan ng boses at itinaas ang iyong mata nang may pagmamataas? Laban sa Banal ng Israel! 23 Nilabanan mo ang Panginoon sa pamamagitan ng iyong mga mensahero, at sinabing, "Kasama ng daan-daang kong mga karwahe ay umakyat ako sa kataasan ng mga kabundukan, sa pinakamataas na tuktok ng Lebanon. Puputulin ko ang matatayog na sedar at mainam na mga puno ng igos doon. At papasukin ko ang pinaka malalayong bahagi nito, ang pinaka masagana nitong gubat. 24 Humukay ako ng mga balon at uminom ng mga tubig mula sa mga ibang bansa. Tinuyot ko ang lahat ng mga ilog ng Ehipto sa ilalim ng aking talampakan.' 25 Hindi mo pa ba naririnig kung paano ko ito itinakda noon pa man, at ginawa ito noong sinaunang panahon? Ngayon ay tinutupad ko na ito. Narito ka para tibagin ang matitibay na lungsod at maging tumpok ng mga durog na bato. 26 Ang kanilang mga mamamayan, na kaunti ang lakas, ay nawasak at napahiya. Sila ay mga halaman sa bukirin, luntiang mga damo, ang damo sa bubungan o sa bukirin, na sinunog bago pa man ito lumaki. 27 Pero alam ko ang iyong pag-upo, paglabas, pagdating, at ang iyong matinding galit laban sa akin. 28 Dahil sa matinding galit mo sa akin, at dahil umabot sa aking pandinig ang iyong kayabangan, ilalagay ko ang aking kawit sa iyong ilong, at ang aking lubid sa iyong bibig; ibabalik kita sa paraan kung paano ka dumating." 29 Ito ang magiging tanda para sa iyo: Sa taon na ito ay kakainin mo ang mga ligaw na halaman, at sa pangalawang taon ang tutubo mula roon. Pero sa pangatlong taon ay dapat kang magtanim at umani, magtanim ng ubasan at kainin ang kanilang bunga. 30 Ang mga natira sa angkan ni Juda na mabubuhay ay muling uugat at mamumunga. 31 Dahil mula sa Jerusalem ay may lalabas na nalabi, mula sa Bundok Sion ay darating ang mga naligtas. Gagawin ito ng kasigasigan ni Yahweh ng mga hukbo. 32 Kaya ito ang sinasabi ni Yahweh tungkol sa hari ng Asiria: "Hindi siya papasok sa lungsod na ito ni papana ng palaso rito. Hindi siya makakalapit dito ng may kalasag ni magtatayo ng tungtungang panglusob dito. 33 Ang daan na kaniyang tinahak para makarating ang magiging parehong daanan sa kaniyang pag-alis; hindi siya papasok sa lungsod na ito. Ito ang kapahayagan ni Yahweh." 34 Dahil ipagtatanggol ko ang lungsod na ito at sasagipin ito, para sa sarili kong kapakanan at para sa kapakanan ng lingkod kong si David." 35 Nang gabing iyon lumabas ang anghel ng Diyos at nilusob ang kampo ng mga taga-Asiria, pinatay ang 185, 000 na mga sundalo. Nang bumangon ang mga lalaki ng madaling araw, nagkalat ang mga bangkay sa paligid. 36 Kaya umalis si Senaquerib na hari ng Asiria sa Israel at umuwi at nanatili sa Ninive. 37 Kinalaunan, habang sumasamba siya sa tahanan ni Nisroc ang kaniyang diyos, pinatay siya ng kaniyang mga anak na sina Adramelec at Sarezer gamit ang espada. Pagkatapos tumakas sila sa lupain ng Ararat. Pagkatapos ang kaniyang anak na si Esarhadon ang pumalit sa kaniya bilang hari.
Chapter 20
1 Sa mga panahon na iyon ay may sakit si Hezekias na maaari niyang ikamatay. Kaya pinuntahan siya ni Isaias ang anak ni Amoz, at sinabi sa kaniya, "Sinasabi ni Yahweh, 'Ihanda mo ang iyong sambahayan; dahil mamamatay ka na, at hindi na mabubuhay.'" 2 Pagkatapos humarap si Hezekias sa pader at nanalangin kay Yahweh, na sinasabing, 3 "Pakiusap, Yahweh, alalahanin mo kung paano ako buong pusong lumakad ng tapat sa iyong harapan, at kung paano ko ginawa ang tama sa iyong paningin." At tumangis ng malakas si Hezekais. 4 Bago lumabas si Isaias sa gitnang patyo, dumating sa kaniya ang mensahe ni Yahweh, na sinasabing, 5 "Bumalik ka, at sabihin kay Hezekias, ang pinuno ng aking bayan, 'Ito ang sinasabi ni Yahweh, ang Diyos ni David na inyong ninuno: "Narinig ko ang iyong panalangin, at nakita ko ang iyong mga luha. Pagagalingin na kita sa ikatlong araw, at aakyat ka sa tahanan ni Yahweh. 6 Dadagdagan ko ng labinlimang taon ang iyong buhay, at ililigtas kita at ang lungsod na ito mula sa kapangyarihan ng hari ng Asiria, at ipagtatanggol ko ang lungsod na ito para sa sarili kong kapakanan at para sa kapakanan ng aking lingkod na si David.'" 7 Kaya sinabi ni Isaias, "Kumuha kayo ng tumpok ng mga igos." Ginawa nila ito at pinatong sa kaniyang pigsa, at gumaling siya. 8 Sabi ni Hezekias kay Isaias, "Ano ang magiging tanda na pagagalingin ako ni Yahweh, at dapat akong umakyat sa templo ni Yahweh sa ikatlong araw?" 9 Sumagot si Isaias, "Ito ang magiging tanda para sa iyo mula kay Yahweh, na gagawin ni Yahweh ang bagay na kaniyang sinabi. Dapat bang humakbang ang anino ng sampung hakbang pasulong, o sampung hakbang pabalik?" 10 Sumagot si Hezekias, "Madali lang para sa anino na humakbang ng sampung beses pasulong. Hindi, hayaang humakbang ang anino ng sampung hakbang pabalik." 11 Kaya tumawag si Isaias kay Yahweh, at dinulot niya ang anino na humakbang ng sampung beses pabalik, mula sa pinanggalingan nito sa hagdan ni Ahaz. 12 Sa panahon na iyon si Berodac Baladan na anak ni Baladan hari ng Babilonia ay nagpadala ng mga liham at isang kaloob kay Hezekias, dahil narinig niya na nagkaroon ng karamdaman si Hezekias. 13 Nakinig si Hezekias sa mga liham na iyon, at pinakita niya sa mga mensahero ang buong palasyo at ang kaniyang mahahalagang mga gamit, ang pilak, ang ginto, ang mga sangkap at mahalagang langis, at ang imbakan ng kaniyang mga sandata, at lahat ng matatagpuan sa kaniyang mga imbakan. Walang natira sa kaniyang bahay, ni sa lahat ng kaniyang kaharian, ang hindi pinakita ni Hezekias sa kanila. 14 Pumunta si propeta Isaias kay Haring Hezekias at tinanong siya, "Anong sinabi ng mga lalaking ito sa iyo? Saan sila nagmula?" Sinabi ni Hezekias, "Nagmula sila sa malayong bansa ng Babilonia." 15 Tinanong ni Isaias, "Ano ang nakita nila sa bahay mo?" Sumagot si Hezekias, "Nakita nila lahat ng bagay sa aking bahay. Wala sa mga mahahalaga kong mga gamit ang hindi ko ipinakita sa kanila." 16 Kaya sinabi ni Isaias kay Hezekias, "Makinig sa mensahe ni Yahweh: 17 'Tingnan mo, paparating na ang araw nang lahat ng nasa iyong palasyo, ang mga bagay na inimbak ng iyong mga ninuno hanggang sa araw na ito, ay dadalhin sa Babilonia. Walang matitira, sabi ni Yahweh. 18 At ang mga anak na lalaki na nanggaling sa iyo, na ikaw mismo ang nag-alaga—dadalhin nila palayo, at sila ay magiging mga eunoko sa palasyo ng hari ng Babilonia.'" 19 Pagkatapos sinabi ni Hezekias kay Isaias, "Mabuti ang mensahe ni Yahweh na iyong sinabi." Dahil inisip niya, "Hindi ba magkakaroon ng kapayapaan at katatagan sa aking panahon?" 20 Para sa ibang mga bagay tungkol kay Hezekias, at lahat ng kaniyang kapangyarihan, at kung paano niya itinayo ang tubigan at ang padaluyan ng tubig, at paano niya dinala ang tubig sa lungsod—hindi ba nakasulat ang mga ito sa Aklat ng mga Kaganapan sa buhay ng mga Hari ng Juda? 21 Nahimlay si Hezekias kasama ng kaniyang mga ninuno, at si Manasses na kaniyang anak ang pumalit sa kaniya bilang hari.
Chapter 21
1 Labingdalawang taong gulang si Manasses nang magsimula siyang maghari; naghari siya ng limampu't limang taon sa Jerusalem. Hefzibas ang pangalan ng kaniyang ina. 2 Ginawa niya kung ano ang masama sa paningin ni Yahweh, gaya ng mga nakapandidiring mga bagay ng mga bansa na pinalayas ni Yahweh sa harapan ng bayan ng Israel. 3 Dahil itinayo niya muli ang mga dambana na winasak ng kaniyang ama na si Hezekias, at nagtayo siya ng mga altar para kay Baal, gumawa ng poste ni Asera, gaya ng ginawa ni Ahab na hari ng Israel, at lumuhod siya sa lahat ng mga bituin ng langit at sinamba ang mga ito. 4 Nagtayo si Manasses ng paganong mga altar sa tahanan ni Yahweh, bagaman inutos ni Yahweh, "Sa Jerusalem mananatili ang aking pangalan magpakailanman." 5 Nagtayo siya ng mga altar para sa lahat ng mga bituin ng kalangitan sa dalawang patyo ng tahanan ni Yahweh. 6 Hinandog niya ang kaniyang anak bilang sinunog na handog sa apoy, nagsagawa siya ng panghuhula at salamangka, at kumonsulta sa mga nakipagusap sa mga patay at sa mga nakipagusap sa mga espiritu. Gumawa siya ng labis na kasamaan sa paningin ni Yahweh, at pinukaw niya ang Diyos na magalit. 7 Ang inukit niyang imahe ni Asera na ginawa niya, ay inilagay niya sa tahanan ni Yahweh. Ang tahanan na ito ang lugar kung saan nangusap si Yahweh kay David at Solomon na kaniyang anak; na sinasabing, "Sa tahanan na ito at sa Jerusalem, na aking pinili mula sa lahat ng mga tribo ng Israel, mananatili ang aking pangalan magpakailanman. 8 Hindi ko hahayaang maligaw ang landas ng Israel mula sa lupain na aking binigay sa kanilang mga ninuno, kung susundin lang nila ng mabuti ang lahat ng inutos ko sa kanila, at sundin ang lahat ng batas na inutos sa kanila ng aking lingkod na si Moises." 9 Pero hindi nakinig ang mga tao, at inakay sila ni Manasses na gumawa ng higit pang kasamaan kaysa sa mga bansa na winasak ni Yahweh sa harapan ng bayan ng Israel. 10 Kaya nangusap si Yahweh sa pamamagitan ng kaniyang mga lingkod na mga propeta, na sinasabing, 11 "Dahil gumawa ng karumal-dumal na mga bagay si Manasses ang hari ng Juda, at kumilos ng may kasamaan na higit pa sa lahat ng ginawa ng mga Amorita na kaniyang sinundan, at dinulot ding magkasala ang Juda kasama ng kaniyang mga diyus-diyosan," 12 kaya sinasabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, "Tingnan ninyo, malapit na akong magpadala ng labis na kapahamakan sa Jerusalem at Juda na kung sinuman ang makarinig nito, kikilabutan ang pareho niyang tainga. 13 Ilalatag ko sa ibabaw ng Jerusalem ang panukat na linya na ginamit laban sa Samaria, at ang panghulog na ginamit laban sa bahay ni Ahab; pupunasan at lilinisin ko ang Jerusalem, gaya ng pagpupunas ng pinggan ng isang tao, pinupunasan ito at pagkatapos ay itinataob ito. 14 Itatapon ko ang mga nalalabi ng aking mana at ibibigay sila sa kamay ng kanilang mga kaaway. Magiging biktima sila ng pandarambong para sa lahat ng kanilang mga kaaway, 15 dahil ginawa nila kung ano ang masama sa aking paningin, at pinukaw ako para magalit, simula nang lumabas ang kanilang mga ninuno sa Ehipto, hanggang sa araw na ito." 16 Higit pa roon, nagpadanak si Manasses ng labis na inosenteng dugo, pinuno niya ng kamatayan ang magkabilang dulo ng Jerusalem. Karagdagan pa ito sa kasalanan na pinilit niyang gawin ng Juda, sa paggawa ng masama sa paningin ni Yahweh. 17 Para sa iba pang mga bagay tungkol kay Manasses, lahat ng kaniyang ginawa, at ang kasalanan na kaniyang ginawa, hindi ba nakasulat ang mga ito sa Aklat ng mga Kaganapan sa buhay ng mga Hari ng Juda? 18 Nahimlay si Manasses kasama ng kaniyang mga ninuno at inilibing sa hardin ng sarili niyang bahay, sa hardin ni Uza. Ang kaniyang anak na si Amon ang pumalit sa kaniya bilang hari. 19 Dalawampu't dalawang taong gulang si Amon nang magsimula siyang maghari; naghari siya ng dalawang taon sa Jerusalem. Meshulemet ang pangalan ng kaniyang ina, na anak ni Haruz ng Jotba. 20 Ginawa niya kung ano ang masama sa paningin ni Yahweh, gaya ng ginawa ng kaniyang ama na si Manasses. 21 Sinunod ni Amon ang lahat ng landas na tinahak ng kaniyang ama at sinamba ang mga diyus-diyosan na sinamba ng kaniyang ama, at lumuhod sa kanila. 22 Iniwan niya si Yahweh, ang Diyos ng kaniyang mga ama, at hindi lumakad sa daan ni Yahweh. 23 Nagbanta ang mga lingkod ni Amon laban sa kaniya at pinatay ang hari sa sarili niyang tahanan. 24 Pero pinatay ng mga mamamayan ng lupain ang lahat ng nagkaisa laban kay Haring Amon, at ginawa nilang hari si Josias ang anak ng hari bilang kaniyang kapalit. 25 Para sa iba pang mga bagay tungkol sa ginawa ni Amon, hindi ba nakasulat ang mga ito sa Aklat ng mga Kaganapan sa Buhay ng mga Hari ng Juda? 26 Nilibing siya ng mga tao sa kaniyang puntod sa hardin ni Uza, at si Josias na kaniyang anak ang pumalit sa kaniya bilang hari.
Chapter 22
1 Si Josias ay walong taong gulang nang magsimula siyang maghari; naghari siya nang tatlumpu't isang taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kaniyang ina ay Jedida (siya ang anak ni Adaya na taga-Boskat). 2 Ginawa niya kung ano ang tama sa mata ni Yahweh. Lumakad siya sa lahat ng pamamaraan ni David ang kaniyang ninuno, at hindi siya lumiko sa kanan man o sa kaliwa. 3 Nangyari ito sa ika-labing walong taon ni Haring Josias, nang isinugo niya si Safan anak na lalaki ni Azalias anak na lalaki ni Mesulam, ang eskriba, sa tahanan ni Yahweh, na sinasabing, 4 Pumunta ka kay Hilkias ang punong pari at sabihin sa kaniyang bilangin ang pera na dinala sa tahanan ni Yahweh, na nalikom ng mga bantay ng templo mula sa bayan. 5 Ipadala mo ito sa kanila sa mga manggagawa na namamahala sa tahanan ni Yahweh at ipabigay mo ito sa mga manggagawa na nasa tahanan ni Yahweh, para kumpunihin ang mga sira sa templo. 6 Magpabigay ka sa kanila ng pera sa mga karpintero, mga nagtatayo, at mga mason, at para bumili rin ng troso at magtabas ng bato para kumpunihin ang templo." 7 Pero hindi kinailangan ang pagbibigay-sulit para sa pera na ibinigay sa kanila, dahil tapat nila itong pinanghawakan. 8 Sinabi ng punong pari na si Hilkias kay Safan, ang eskriba, "Natagpuan ko ang Aklat ng Batas sa tahanan ni Yahweh. Kaya ibinigay ni Hilkias ang aklat kay Safan, at binasa niya ito. 9 Pumunta si Safan at dinala ang aklat sa hari, at nag-ulat din sa kaniya, na nagsasabing, "Nagastos na ng inyong mga lingkod ang pera na natagpuan sa templo at ibinigay ito sa mga tagapangsiwa na nangalaga sa tahanan ni Yahweh." 10 Pagkatapos sinabi ni Safan ang eskriba sa hari, "Binigyan ako ni Hilkias ang pari ng isang aklat." Pagkatapos binasa ito ni Safan sa hari. 11 Noong marinig ng hari ang mga salita ng batas, pinunit niya ang kaniyang mga damit. 12 Inutusan ng hari sina Hilkias ang pari, Ahikam na anak ni Safan, Akbor na anak ni Mikaias, Safan ang eskriba, at Asaias, ang kaniyang sariling lingkod, na sinasabing, 13 "Pumunta kayo at sumangguni kay Yahweh para sa akin, at para sa bayan at para sa lahat ng Juda, dahil sa mga salita ng aklat na ito na natagpuan. Dahil labis ang galit ni Yahweh na nag-alab laban sa atin. Labis ito, dahil hindi nakinig ang ating mga ninuno sa mga salita ng aklat na ito para sundin ang lahat na isinulat tungkol sa atin." 14 Kaya pumunta sina Hilkias ang pari, Ahikam, si Akbor, Safan at Asaias kay Hulda ang babaeng propeta, ang asawa ni Sallum anak ni Tikva anak ni Harhas, tagapag-ingat ng mga kasuotan ng mga pari (nanirahan siya sa Jerusalem sa ikalawang purok), at nagsalita sila sa kaniya. 15 Sinabi niya sa kanila, "Ito ang sinasabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: "Sabihin mo sa lalaking nagsugo sa iyo sa akin, 16 "Ito ang kung ano ang sinasabi ni Yahweh: "Masdan mo, malapit na akong magdala ng sakuna sa lugar na ito at sa mga naninirahan dito, lahat ng mga salita ng aklat na nabasa ng hari ng Juda. 17 Dahil tinalikuran nila ako at nagsunog ng insenso sa ibang mga diyus-diyosan, para galitin nila ako sa lahat ng kanilang mga ginawa - kaya ang aking galit ay nag-alab laban sa lugar na ito, at hindi ito mapapawi.' " 18 Pero sa hari ng Juda, na nagsugo sa iyo para tanungin ang kalooban ni Yahweh, ito ang kung ano ang sasabihin ninyo sa kaniya: ' Sinasabi ito ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: Tungkol sa mga salita na iyong narinig: 19 dahil ang iyong puso ay malambot, at dahil nagpakumbaba ka sa harap ni Yahweh, nang marinig mo ang kung ano ang aking sinabi laban sa lugar na ito at sa mga naninirahan dito, na sila ay pababayaan at magiging isang sumpa, at dahil sa pinunit mo ang iyong mga damit at nanangis sa harap ko, nakinig din ako sa iyo' - ito ang pahayag ni Yahweh. 20 Masdan mo, isasama kita sa iyong mga ninuno; maisasama ka sa iyong libingan nang may kapayapaan, ni makikita ng iyong mga mata ang anuman sa mga sakuna na dadalhin ko sa lugar na ito at sa mga naninirahan dito." Kaya bumalik sa hari ang mga lalaki dala-dala ang mensaheng ito.
Chapter 23
1 Kaya nagpadala ng mga sugo ang hari na tinipon sa kaniya lahat ng mga nakatatandang pinuno ng Juda at ng Jerusalem. 2 Pagkatapos pumunta ang hari sa tahanan ni Yahweh, at kasama niya ang lahat ng mga lalaki ng Juda at lahat ng mga naninirahan sa Jerusalem, at ang mga pari, mga propeta, at lahat ng mga tao, mula sa hamak hanggang sa dakila. Pagkatapos binasa niya sa kanilang pandinig lahat ng mga salita ng aklat ng tipan na natagpuan sa tahanan ni Yahweh. 3 Tumayo ang hari sa tabi ng haligi at gumawa ng tipan sa harap ni Yahweh, na susunod kay Yahweh, at susundin ang kaniyang mga utos, mga batas ng tipan, at mga tuntunin, nang kaniyang buong puso at buong kaluluwa, para pagtibayin ang mga salita ng tipang ito na nakasulat sa aklat na ito. Kaya sumang-ayon ang lahat ng mga tao na panindigan ang tipan. 4 Inutusan ng hari ang punong pari na si Hilkias, ang mga pari sa ilalim niya, at ang mga bantay ng tarangkahan, na ilabas mula sa templo ni Yahweh lahat ng mga sisidlan na ginawa para kay Baal at Asera, at para sa lahat ng mga bituin ng langit. Sinunog niya ang mga iyon sa labas ng Jerusalem sa mga bukid sa Lambak ng Kidron at dinala ang kanilang abo sa Bethel. 5 Inalis niya ang mga pari ng mga diyus-diyosan na pinili ng mga hari ng Juda para magsunog ng insenso sa mga dambana sa mga lungsod ng Juda at sa mga lugar sa palibot ng Jerusalem - ang mga nagsunog ng insenso para kay Baal, para sa araw at sa buwan, para sa mga planeta at sa lahat ng mga butuin ng langit. 6 Inilabas niya ang poste ni Asera mula sa templo ni Yahweh, sa labas ng Jerusalem sa Lambak ng Kidron at sinunog ito roon. Ipinadurog niya ito at itinapon ang mga abo na iyon sa mga libingan ng mga karaniwang tao. 7 Inalis niya ang mga gamit sa mga silid ng mga gumagawa ng mahahalay na ritwal bilang pagsamba, sa templo ni Yahweh, kung saan humabi ang mga babae ng mga kasuotan para kay Asera. 8 Inilabas ni Josias ang lahat ng mga pari mula sa mga lungsod ng Juda at nilapastangan ang mga dambana kung saan nagsunog ng insenso ang mga pari, mula Geba hanggang Beerseba. Winasak niya ang mga dambana sa mga tarangkahan, ang mga dambana na nasa pasukan patungo sa Tarangkahan ni Josue, na itinayo ng isang gobernador ng lungsod na nagngangalang Josue. Ang mga dambanang ito ay nasa gawing kaliwa ng tarangkahan ng lungsod sa pagpasok ng lungsod. 9 Kahit na hindi pinapayagan ang mga pari ng mga dambanang iyon na paglingkuran ang altar ni Yahweh sa Jerusalem, pinayagan sila na kumain ng tinapay na walang pampaalsa, tulad ng mga kapwa nila pari. 10 Nilapastangan ni Josias ang Tofet, na nasa lambak ng Ben Hinom, para walang makapaghandog ng kaniyang anak na lalaki o kaniyang anak na babae bilang isang sinunog na handog sa apoy para kay Molec. 11 Inalis niya ang mga kabayo na ibinigay ng mga hari ng Juda sa araw. Nasa isang lugar ang mga iyon sa pasukan patungo sa templo ni Yahweh, malapit sa silid ni Natan Melec, ang katiwala. Sinunog ni Josias ang mga karwahe ng araw. 12 Winasak ng haring si Josias ang mga altar na nasa bubong ng kaitaasang silid ni Ahaz, na ginawa ng mga hari ng Juda, at ang mga altar na ginawa ni Manases sa dalawang patyo ng templo ni Yahweh. Winasak ni Josias ang mga ito sa maraming piraso at tinapon ang mga ito sa Lambak ng Kidron. 13 Hinamak ni Josias ang mga dambana na nasa silangan ng Jerusalem, sa katimugan ng Bundok ng Katiwalian na itinayo ni Solomon ang hari ng Israel para kay Astoret, ang kasuklam-suklam na diyus-diyosan ng mga Sidonio, para kay Quemos, ang kasuklam-suklam na diyus-diyosan ng Moab; at para kay Milcom, ang kasuklam-suklam na diyus-diyosan ng mga mamamayan ng Ammon. 14 Binasag ni Haring Josias ang mga sagradong batong haligi, giniba ang mga poste ni Asera, at pinuno ang kanilang mga lugar ng mga buto ng tao. 15 Giniba rin ni Josias ang altar na nasa Bethel at ang dambana na itinayo ni Jeroboam, anak na lalaki ni Nebat, na nanguna sa Israel para magkasala. Sinunog niya ang altar sa dambana at dinurog ito; sinunog niya rin ang poste ni Asera. 16 Nang makita ni Josias ang lugar, napansin niya ang mga libingan na nasa gilid ng burol. Ipinadala niya ang mga lalaki para kunin ang mga kalansay mula sa mga libingan; pagkatapos sinunog niya ang mga iyon sa altar, na lumapastangan nito. Ito ay sang-ayon sa salita ni Yahweh na sinabi ng lingkod ng Diyos, ang lalaki na sa simula pa ay nagsabi ng mga bagay na ito. 17 Pagkatapos sinabi niya, "Anong bantayog iyon na nakikita ko?' Sinabi sa kaniya ng mga lalaki ng lungsod, "Iyon ay ang libingan ng lingkod ng Diyos na nanggaling sa Juda at nagsalita tungkol sa mga bagay na ito na kagagawa mo lamang laban sa altar ng Bethel." 18 Kaya sinabi ni Josias, "Pabayaan ninyo ito. Walang dapat gumalaw ng kaniyang kalansay." Kaya hindi nila ginalaw ang kaniyang kalansay, kasama ng kalansay ng propeta na nanggaling sa Samaria. 19 Ang lahat ng mga templo at dambana na nasa mga lungsod ng Samaria, na dinulot ng mga hari ng Israel na pumukaw ng galit ni Yahweh - ipinagiba ni Josias ang mga iyon. Ginawa niya sa kanila eksakto kung ano ang nagawa sa Bethel. 20 Pinatay rin niya ang lahat ng mga pari ng mga dambana sa mga altar doon, at sinunog ang mga kalansay ng tao sa mga iyon. Pagkatapos bumalik siya sa Jerusalem. 21 Pagkatapos inutos ng hari sa lahat ng mga tao, na sinasabing, "Ipagdiwang ang Paskwa para kay Yahweh ang inyong Diyos, tulad ng nasusulat sa aklat ng tipan na ito." 22 Ang gayong pagdiriwang ng Paskwa ay hindi kailanman idinaos mula pa sa mga araw ng mga hukom na namuno sa Israel ni sa loob ng lahat ng mga araw ng mga hari ng Israel o Juda. 23 Ngunit ang Paskwang ito ay tunay na ipinagdiwang noong ika-labing walong taon ni Haring Josias; ito ay para kay Yahweh sa Jerusalem. 24 Pinaalis din ni Josias ang mga nakipag-usap sa mga patay o sa mga espiritu. Pinaalis din niya ang mga anti-anting, ang mga diyus-diyosan, at ang lahat ng mga nakasusuklam na mga bagay na nakita sa lupain ng Juda at sa Jerusalem, para pagtibayin ang mga salita ng batas na nasusulat sa aklat na natagpuan ng paring si Hilkias sa tahanan ni Yahweh. 25 Bago kay Josias, walang naging hari na tulad niya, na nagtalaga ng sarili kay Yahweh nang kaniyang buong puso, buong kaluluwa at buong lakas, na sinunod ang lahat ng batas ni Moises. Ni walang sinumang haring kasunod na katulad ni Josias. 26 Pero hindi bumaling si Yahweh mula sa bangis ng kaniyang matinding galit, na nag-alab laban sa Juda dahil sa lahat ng pagsambang pagano na kung saan inudyok siya ni Manases. 27 Kaya sinabi ni Yahweh, "Aalisin ko rin ang Juda mula sa aking paningin, tulad ng pag-aalis ko sa Israel, at itatapon ko ang lungsod na ito na aking pinili, Jerusalem, ang tahanan na sinabi kong, 'Malalagay doon ang aking pangalan.'" 28 Tungkol sa ibang mga bagay hinggil kay Josias, lahat ng kaniyang ginawa, hindi ba't nasusulat ang mga iyon sa Ang Aklat ng mga Kaganapan sa Buhay ng mga Hari ng Juda? 29 Sa panahon na siya ang hari ng Ehipto, nilabanan ni Faraon Neco ang hari ng Asiria sa Ilog Eufrates. Pumunta si Haring Josias para harapin si Neco sa labanan, at pinatay siya ni Neco sa Megido. 30 Binuhat siyang patay ng mga lingkod ni Josias sa isang karwahe mula sa Megido, dinala siya sa Jerusalem, at inilibing siya sa kaniyang sariling puntod. Pagkatapos pinili ng mga mamamayan ng lupain si Jehoahas, anak ni Josias, pinahiran siya ng langis at ginawa siyang hari kapalit ng kaniyang ama. 31 Si Jehoahas ay dalawampu't tatlong taong gulang nang nagsimula siyang maghari, at siya ay naghari nang tatlong buwan sa Jerusalem. Ang pangalan ng kaniyang ina ay Hamutal; siya ang anak na babae ni Jeremias ng Libna. 32 Ginawa ni Jehoahas kung ano ang masama sa paningin ni Yahweh, tulad ng lahat ng ginawa ng kaniyang mga ninuno. 33 Ikinadena siya ni Faraon Neco sa Ribla sa lupain ng Hamat, para hindi siya makapaghari sa Jerusalem. Pagkatapos minultahan ni Neco ang Juda ng isang daang talento ng pilak at isang talento ng ginto. 34 Ginawang hari ni Faraon Neco si Eliakim anak ni Josias, bilang kapalit ng kaniyang amang si Josias, at pinalitan ang kaniyang pangalan sa Jehoiakim. Pero dinala niyang palayo si Jehoahas sa Ehipto, at namatay doon si Jehoahas. 35 Ibinayad ni Johoiakim kay Faraon ang pilak at ginto. Binuwisan niya ang lupain para ibayad ang pera, para sundin ang utos ni Faraon. Pinilit niya ang bawat isang lalaki sa mga mamamayan ng lupain na magbayad ng pilak at ng ginto para ibigay ito kay Faraon Neco. 36 Si Jehoiakim ay dalawamput limang taong gulang nang nagsimula siyang maghari, at naghari siya ng labing isang taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kaniyang ina ay Zebida; siya ay ang anak ni Pedaias ng Ruma. 37 Ginawa ni Jehoiakim kung ano ang masama sa paningin ni Yahweh, tulad ng lahat ng ginawa ng kaniyang mga ninuno.
Chapter 24
1 Sa panahon ng paghahari ni Jehoiakim, nilusob ni Nebucadnezar hari ng Babilonia ang Juda; naging lingkod niya si Jehoiakim sa loob ng tatlong taon. Pagkatapos nagtaksil si Jehoiakim at naghimagsik laban kay Nebucadnezar. 2 Nagpadala si Yahweh laban kay Jehoiakim ng mga pangkat ng mga Caldean, Aramean, Moabita, at Ammonita; ipinadala niya sila laban sa Juda para wasakin ito. Ito ay naaayon sa salita ni Yahweh na sinabi sa pamamagitan ng kaniyang mga lingkod na mga propeta. 3 Tiyak na nangyari ito sa Juda sa utos ni Yahweh, para alisin sila mula sa kaniyang paningin, dahil sa mga kasalanan ni Manases, lahat ng kaniyang mga ginawa, 4 at dahil din sa mga inosenteng dugo na kaniyang pinadanak, dahil pinuno niya ang Jerusalem ng inosenteng dugo. Hindi mapapatawad ni Yahweh ang mga iyon. 5 Sa ibang mga bagay patungkol kay Johoiakim, at lahat ng kaniyang ginawa, hindi ba nasusulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kaganapan sa Buhay ng mga Hari ng Juda? 6 Humimlay si Johoiakim kasama ng kaniyang mga ninuno, at ang kaniyang anak na si Jehoiakin ang naging hari kapalit niya. 7 Hindi na muling sumalakay ang hari ng Ehipto sa labas ng kaniyang lupain, dahil sinakop na ng hari ng Babilonia ang lahat ng mga lupain na hawak ng hari ng Ehipto, mula sa batis ng Ehipto hanggang sa Ilog Eufrates. 8 Si Johoiakin ay labing walong taong gulang nang nagsimula siyang maghari; naghari siya sa Jerusalem sa loob ng tatlong buwan. Ang pangalan ng kaniyang ina ay Nehusta. Siya ay ang anak na babae ni Elnatan ng Jerusalem. 9 Ginawa niya kung ano ang masama sa paningin ni Yahweh - ginawa niya lahat ng nagawa ng kaniyang ama. 10 Nang panahong iyon sinalakay ng hukbo ni Nebucadnezar hari ng Babilonia ang Jerusalem at pinaligiran ang lungsod. 11 Dumating sa lungsod si Nebucadnezar hari ng Babilonia habang pinaliligiran ito ng kaniyang mga kawal, 12 at si Jehoiakin ang hari ng Juda ay lumabas patungo sa hari ng Babilonia, siya, ang kaniyang ina, mga lingkod, prinsipe, at opisyal. Binihag siya ng hari ng Babilonia sa ika-walong taon ng kaniyang paghahari. 13 Kinuha mula roon ni Nebucadnezar ang lahat ng mga mahahalagang bagay sa tahanan ni Yahweh, at ang mga nasa palasyo ng hari. Pinira-piraso niya ang lahat ng mga gintong bagay na ginawa ni Solomon hari ng Israel sa templo ni Yahweh, gaya ng sinabi ni Yahweh na mangyayari. 14 Dinala niyang bihag ang lahat ng Jerusalem, mga pinuno at mga mandirigma, sampung libong mga bihag, at lahat ng mga mahuhusay na manggagawa at mga panday. Walang naiwan kung hindi ang mga pinakamahihirap na mga tao sa lupain. 15 Itinapon ni Nebucadnezar si Jehoiakin sa Babilonia, pati na ang ina ng hari, mga asawa, opisyal, at ang pangunahing mga lalaki ng lupain. Ipinatapon niya sila sa Babilonia mula sa Jerusalem. 16 Lahat ng mga kawal, pitong libo ang bilang, at isang libong mahuhusay na mangagawa at mga panday, lahat sa kanila may kakayahang lumaban - itinapon ng hari ng Babilonia ang mga lalaking ito sa Babilonia. 17 Ginawa ng hari ng Babilonia si Matanias, ang kapatid na lalaki ng ama ni Jehoiakin, na hari kapalit niya, at pinalitan sa Zedekias ang kaniyang pangalan. 18 Si Zedekias ay dalawampu't isang taong gulang nang nagsimula siyang maghari; naghari siya nang labing isang taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kaniyang ina ay Hamutal; siya ay anak ni Jeremias na taga-Libna. 19 Ginawa niya kung ano ang masama sa paningin ni Yahweh - ginawa niya ang lahat ng bagay na nagawa ni Jehoiakim. 20 Dahil sa galit ni Yahweh, nangyari sa Jerusalem at Juda ang lahat ng mga kaganapang ito, hanggang sa mapalayas niya sila mula sa kaniyang presensya. Pagkatapos naghimagsik si Zedekias laban sa hari ng Babilonia.
Chapter 25
1 Nangyari ito na sa ika-siyam na taon ng paghahari ni Haring Zedekias, sa ika-sampung buwan, at sa ika- sampung araw ng buwan, dumating si Nebucadnezar hari ng Babilonia kasama ng lahat ng kaniyang hukbo laban sa Jerusalem. Nagkampo siya sa harap nito, at nagtambak ng lupa sa paligid ng mga pader. 2 Kaya kinubkob nila ang lungsod hanggang sa ika-labing isang taon ng paghahari ni Haring Zedekias. 3 Sa ika-siyam na araw ng ika-apat na buwan ng taong iyon, napakatindi ng taggutom sa lungsod kung kaya't walang pagkain para sa mga mamamayan ng lupain. 4 Pagkatapos pinasok ang lungsod, at kinagabihan tumakas ang lahat ng mga lumalaban na kalalakihan sa gabi sa pamamagitan ng tarangkahan sa pagitan ng dalawang pader, sa may hardin ng hari, kahit na nasa buong paligid ng lungsod ang mga Caldean. Pumunta ang hari patungo sa Araba. 5 Pero hinabol ng hukbo ng mga Caldean si Haring Zedekias at inabutan siya sa mga kapatagan ng lambak ng Ilog Jordan malapit sa Jerico. Lahat ng kaniyang hukbo ay nagkaniya-kaniyang takas palayo mula sa kaniya. 6 Binihag nila ang hari at dinala siya sa hari ng Babilonia sa Ribla, kung saan hinatulan siya nila. 7 Tungkol sa mga anak na lalaki ni Zedekias, pinatay nila sila sa harap ng kaniyang paningin. Pagkatapos dinukot niya ang kaniyang mga mata, ginapos sa mga tansong tanikala, at dinala siya sa Babilonia. 8 Ngayon sa ika-limang buwan, sa ika-pitong araw ng buwan, na nasa ika-labing siyam na taon ng paghahari ni Nebucadnezar hari ng Babilonia at pinuno ng kaniyang mga tanod, dumating sa Jerusalem si Nebuzaradan, isang lingkod ng hari ng Babilonia. 9 Sinunog niya ang tahanan ni Yahweh, ang palasyo ng hari, at ang lahat ng mga bahay sa Jerusalem; sinunog din niya ang bawat mahalagang gusali sa lungsod. 10 Tungkol sa lahat ng mga pader na nakapaligid sa Jerusalem, winasak ang mga iyon ng lahat ng hukbo ng mga taga-Babilonia na nasa ilalim ng pinuno ng mga tanod. 11 Tungkol sa nalalabing mga tao na naiwan sa lungsod, ang mga sumuko sa hari ng Babilonia, at ang nalalabi sa populasyon - itinapon sila ni Nebuzaradan, ang pinuno ng tanod. 12 Pero iniwan ng pinuno ng tanod ang ilan sa pinakamahihirap ng bayan para gumawa sa mga ubasan at mga bukirin. 13 Tungkol sa mga haliging tanso na nasa tahanan ni Yahweh, at ang mga patungan at ang tansong dagat na nasa tahanan ni Yahweh, pinagpira-piraso ang mga iyon ng mga Caldean at dinala ang tanso sa Babilonia. 14 Ang mga palayok, pala, lalagyan ng abo, kutsara, at lahat ng mga kagamitang tanso na ginamit ng mga pari para maglingkod sa templo - tinangay rin ng mga Caldean lahat ng mga iyon. 15 Ang mga palayok para alisin ang mga abo at ang mga hugasan na gawa sa ginto, at ang mga gawa sa pilak - kinuha rin ang mga iyon ng kapitan ng bantay ng hari. 16 Ang dalawang haligi, ang dagat, at ang mga patungan na ginawa ni Solomon para sa tahanan ni Yahweh ay naglalaman ng tanso na higit pa kaysa kayang timbangin. 17 Ang taas ng isang haligi ay labing walong siko, at isang tansong kapitel sa ibabaw nito. Ang kapitel ay tatlong siko ang taas, na may mga sala-salang palamuti at mga granada sa paligid ng kapitel - lahat gawa sa tanso. Ang ikalawang haligi at ang sala-salang palamuti nito ay kapareho ng una. 18 Binihag ng pinuno ng tanod si Seraya, ang punong pari, kasama ni Zefanias, ang ikalawang pari, at ang tatlong bantay ng tarangkahan. 19 Mula sa lungsod, binihag niya ang isang opisyal na tagapamahala ng mga sundalo, at limang lalaki sa mga tagapayo ng hari, na nasa lungsod pa. Binihag niya rin ang opisyal ng hukbo ng hari na namamahala sa pangangalap ng mga lalaking papasok sa hukbo, kasama ang animnapung mahahalagang lalaki mula sa lupain na nasa lungsod. 20 Pagkatapos kinuha sila at dinala ni Nebuzaradan, ang pinuno ng tanod, sa hari ng Babilonia sa Ribla. 21 Ipinapatay sila ng hari ng Babilonia sa Ribla sa lupain ng Hamat. Sa ganitong paraan, naitinapon ang Juda mula sa lupain nito. 22 Tungkol sa mga natirang mamamayan sa lupain ng Juda, ang mga iniwan ni Nebucadnezar hari ng Babilonia, itinalaga niya si Gedalias na anak ni Ahikam na anak ni Safan, para mamahala sa kanila. 23 Ngayon nang marinig ng mga pinuno ng mga kawal, sila at ang kanilang mga tauhan, na ginawang gobernador ng hari ng Babilonia si Gedalias, pumunta sila kay Gedalias sa Mizpa. Ang mga lalaking ito ay sina Ismael na anak ni Netanias, Johanan na anak ni Karea, Seraias na anak ni Tanhumet ang Netofatita at Jaazanias na anak ng Maacateo - sila at ang kanilang mga tauhan. 24 Nanumpa si Gedalias sa kanila at sa kanilang mga tauhan, at sinabi sa kanila, "Huwag kayong matakot sa mga opisyal na Caldean. Mamuhay kayo sa lupain at paglingkuran ang hari ng Babilonia, at mapapabuti kayo." 25 Pero nangyari ito nang sa ika-pitong buwan dumating si Ismael na anak ni Netanias na anak ni Elisama, mula sa maharlikang pamilya, na may kasamang sampung lalaki, at nilusob si Gedalias. Namatay si Gedalias, pati na ang mga kalalakihan ng Juda at ang mga taga-Babilonia na kasama niya sa Mizpa. 26 Pagkatapos lahat ng mga tao, mula sa pinakaaba hanggang sa pinakadakila, at ang mga pinuno ng mga kawal, ay tumakas patungong Ehipto, dahil takot sila sa mga taga-Babilonia. 27 Kinalaunan nang ika-tatlumpu't pitong taon ng pagkapatapon ni Jehoiakin hari ng Juda, sa ika-labing dalawang buwan, sa ika-dalawampu't pitong araw ng buwan, na pinalaya ni Evil Merodac hari ng Babilonia si Jehoiakin hari ng Juda mula sa bilangguan. Nangyari ito sa taon na nagsimulang maghari si Evil Merodac. 28 Maayos siyang nakipag-usap sa kaniya at binigyan siya ng isang puwesto na mas marangal kaysa sa ibang mga hari na kasama niya sa Babilonia. 29 Hinubad ni Evil Merodac ang mga damit pang bilangguan ni Jehoiakin, at regular na kasalo sa hapag kainan ng hari si Jehoiakin habang siya ay nabubuhay. 30 At araw-araw binigyan siya ng regular na rasyon ng pagkain para sa nalalabing bahagi ng kaniyang buhay.