Tagalog: Tagalog Unlocked Literal Bible

Updated ? hours ago # views See on DCS Draft Material

Daniel

Chapter 1

1 Sa ikatlong taon ng paghahari ni Jehoiakim na hari ng Juda, dumating si Nebucadnezar na hari ng Babilonia sa Jerusalem at kinubkob ang lungsod upang putulin ang lahat ng mga tulong para rito. 2 Binigyan ng Panginoon si Nebucadnezar ng katagumpayan laban kay Jehoiakim na hari ng Juda at ibinigay sa kaniya ang ilan sa mga sagradong bagay mula sa tahanan ng Diyos. Dinala niya ang mga ito sa lupain ng Babilonia, sa tahanan ng kaniyang diyos at inilagay ang sagradong mga bagay sa kabang-yaman ng kaniyang diyos. 3 At nakipag-usap ang hari kay Aspenaz, ang kaniyang pinunong opisyal upang dalhin ang ilan sa mga Israelita, sa maharlikang angkan at mga dakilang tao— 4 mga binatang walang kapintasan, kaakit-akit ang itsura, at mahusay sa lahat ng karunungan, puno ng kaalaman at pang-unawa at karapat-dapat na maglingkod sa palasyo ng hari. Tuturuan niya sila ng panitikan at wika ng mga taga-Babilonia. 5 At ibinilang sila ng hari ng bahagi sa araw ng kaniyang mga pagkain at sa alak na kaniyang iinumin. Sasanayin ang mga binatang ito sa tatlong taon at pagkatapos, maglilingkod sila sa hari. 6 Kabilang sa mga ito ay sina Daniel, Hananaias, Misael, at Azarias, ilan sa mga tao ng Juda. 7 Binigyan sila ng mga pangalan ng pinunong opisyal: tinawag si Daniel na Beltesazar, tinawag si Hananias na Shadrac, si Misael na Meshac, at si Azarias na Abednego. 8 Ngunit ipinasiya ni Daniel sa kaniyang isipan na hindi niya dudungisan ang kaniyang sarili sa mga pagkain ng hari o sa mga alak na kaniyang iniinom. Kaya humiling siya ng pahintulot mula sa pinunong opisyal na hindi niya maaaring dungisan ang kaniyang sarili. 9 Binigyang pabor at habag ng Diyos si Daniel sa pamamagitan ng pagkakaroon ng paggalang ng pinuno ng mga opisyal sa kaniya. 10 Sinabi ng pinunong opisyal kay Daniel, "Natatakot ako sa aking panginoong hari. Ipinag-utos ng hari kung ano ang inyong kakainin at ang inyong iinumin. Bakit kailangan niyang makita na mukhang mahina kayo kaysa sa mga binata na kasing-edad ninyo? Pupugutan ako ng ulo ng hari dahil sa inyo." 11 At nakipag-usap si Daniel sa katiwala na siyang itinalaga ng pinunong opisyal kina Daniel, Hananias, Misael at Azarias. 12 Sinabi niya, "Nakikiusap ako na subukin mo kami, ang iyong mga lingkod, sa sampung araw. Bigyan mo lamang kami ng ilang mga gulay na makakain at tubig upang inumin. 13 At ihambing ang aming itsura sa itsura ng mga binatang nagsikain ng pagkain ng hari, at pakitunguhan mo kami, na iyong mga lingkod, batay sa kung ano ang iyong nakita." 14 Kaya sumang-ayon ang tagapamahala sa kaniya na gawin ito. At sinubukan niya sila sa loob ng sampung araw. 15 At pagkatapos ng sampung araw ang kanilang itsura ay naging mas malusog, at malakas ang pangangatawan kaysa sa lahat ng mga binata na kumain ng pagkain ng hari. 16 Kaya kinuha ng mga katiwala ang kanilang mga pagkain at ang kanilang alak at binigyan lamang sila ng mga gulay. 17 Para sa apat na binatang ito, pinagkalooban sila ng Diyos ng kaalaman at maliwanag na pagkaunawa sa lahat ng panitikan at karunungan at nauunawaan ni Daniel ang lahat ng uri ng mga pangitain at mga panaginip. 18 At sa pagtatapos ng araw na itinakda ng hari upang sila ay dalhin, dinala sila ng pinunong opisyal sa harapan ni Nebucadnezar. 19 Kinausap sila ng hari, at sa kanilang lahat walang maihahalintulad kay Daniel, Hananias, Misael, at Azarias. Nakatayo sila sa harap ng hari, nakahandang paglingkuran siya. 20 At sa bawat katanungan ng karunungan at pang-unawa na itinanong sa kanila ng hari, nasumpungan niya na sila ay sampung beses na mas mainam kaysa sa lahat ng salamangkero at ang mga umaangking nakakausap ang mga patay na nasa kaniyang buong kaharian. 21 Namalagi si Daniel hanggang sa unang taon ng haring Ciro.

Chapter 2

1 Sa ikalawang taon ng paghahari ni Nebucadnezar, nagkaroon siya ng mga panaginip. Naguluhan ang kaniyang isip, at hindi siya makatulog. 2 At ipinatawag ng hari ang mga salamangkero at ang mga nagsasabing nakakausap ang patay. Ipinatawag din niya ang mga mangkukulam at matatalinong kalalakihan. Nais niya na sabihin nila sa kaniya ang tungkol sa kaniyang mga panaginip. Kaya dumating sila at tumayo sa harapan ng hari. 3 Sinabi ng hari sa kanila, "Nagkaroon ako ng isang panaginip, at nababahala ang aking isipan na malaman ang kahulugan ng panaginip." 4 Pagkatapos, nagsalita ang matatalinong kalalakihan sa wikang Aramaico, "Hari, mabuhay ka magpakailanman! Sabihin mo ang panaginip sa amin, ang inyong mga lingkod at ihahayag namin ang kahulugan." 5 Sumagot ang hari sa matatalinong kalalakihan, "Nalutas na ang usaping ito. Kung hindi ninyo maihahayag ang panaginip sa akin at bigyang kahulugan ito, pagpuputul-putulin ko ang inyong katawan at gagawin kong tambakan ng basura ang inyong mga tahanan. 6 Ngunit kung sasabihin ninyo sa akin ang panaginip at kahulugan nito, makakatanggap kayo ng mga kaloob mula sa akin, isang gantimpala at dakilang karangalan. Kaya sabihin ninyo sa akin ang panaginip at kahulugan nito." 7 Sumagot silang muli at sinabi, "Hayaang sabihin ito sa amin ng hari, ang kaniyang mga lingkod, ang panaginip at sasabihin namin sa inyo ang kahulugan nito." 8 Sumagot ang hari, "Nakatitiyak ako na nangangailangan pa kayo ng mas maraming panahon dahil nakita ninyo kung gaano katatag ang aking pagpapasiya tungkol dito. 9 Ngunit kung hindi ninyo sasabihin sa akin ang panaginip, may iisang hatol lamang para sa inyo. Napagpasiyahan ninyong maghanda ng bulaan at mapanlinlang na mga salita na sinang-ayunan ninyo upang sabihin sa akin hanggang magbago ang aking isip. Kung kaya, sabihin ninyo sa akin ang panaginip at pagkatapos ay alam ko na mabibigyang kahulugan ninyo ito para sa akin." 10 Sumagot ang matatalinong kalalakihan sa hari, "Walang tao sa lupa ang may kakayanang matugunan ang pangagailangan ng hari. Walang dakila at makapangyarihang hari ang mangangailangan ng ganoong bagay mula sa sinumang salamangkero, o mula sa sinumang umaangkin na makipag-usap sa patay, o mula sa isang matalinong tao. 11 Ang pangangalingan ng hari ay mahirap, at walang sinuman ang makakapagsabi nito sa hari maliban sa mga diyos at hindi sila naninirahan kabilang sa mga tao." 12 Ito ang ikinagalit at labis na nagpagalit sa hari, at nagbigay siya ng utos na lipulin ang lahat ng mga nasa Babilonia na kinikilala sa kanilang karunungan. 13 Kaya nailabas ang kautusan. Lahat ng mga nakilala sa kanilang karunungan ay nahatulan ng kamatayan; hinanap din nila si Daniel at ang kaniyang mga kaibigan upang mailagay din sila sa kamatayan. 14 Pagkatapos, sumagot si Daniel ng may hinahon at mabuting pagpapasiya kay Arioc na pinuno ng mga tagabantay ng hari, na dumating upang patayin ang lahat ng mga nasa Babilonia na kinikilala sa kanilang karunungan. 15 Tinanong ni Daniel ang pinuno ng tagabantay ng hari, "Bakit pabigla-bigla ang kautusan ng hari?" Kaya sinabi ni Arioc kay Daniel ang nangyari. 16 Pagkatapos, pumasok si Daniel at humiling ng kasunduan sa hari upang maiharap niya ang pagpapaliwanag sa hari. 17 Pagkatapos, pumunta si Daniel sa kaniyang tahanan at ipinaliwanag niya kay Hananias, Misael, at Azarias kung ano ang nangyari. 18 Hinimok niya sila na hanapin ang habag mula sa Diyos ng langit tungkol sa hiwagang ito upang siya at sila ay hindi maaaring patayin kasama ang mga natirang kalalakihan sa Babilonia na kilala sa kanilang karunungan. 19 Nang gabing iyon, naihayag ang lihim kay Daniel sa isang pangitain. At pinuri ni Daniel ang Diyos ng kalangitan 20 at sinabi, "Purihin ang pangalan ng Diyos ng walang hanggan at magpakailanman; sapagkat ang karunungan at kapangyarihan ay sa kaniya. 21 Binabago niya ang mga panahon at mga kapanahunan; tinatanggal niya ang mga hari at inilalagay ang mga hari sa kanilang mga trono. Nagbibigay siya ng karunungan sa matalino at kaalaman sa mga mayroong pag-unawa. 22 Inihahayag niya ang malalim at nakatagong mga bagay dahil alam niya ang mga nasa kadiliman at ang liwanag ay nananahan sa kaniya. 23 Diyos ng aking mga ninuno, pinasasalamatan at pinupuri ko kayo para sa karunungan at kapangyarihan na ibinigay ninyo sa akin. Ngayon, ipinaalam mo sa akin kung ano ang aming ipinapanalangin sa iyo; ipinaalam mo sa amin ang bagay na nagpapaalala sa hari." 24 Sa lahat ng mga ito, pumunta si Daniel upang makipagkita kay Arioc, ang isa na itinakda ng hari upang patayin ang lahat ng matatalino sa Babilonia. Lumapit siya at sinabi sa kaniya, "Huwag mong patayin ang matatalinong kalalakihan sa Babilonia. Samahan mo ako sa harapan ng hari at sasabihin ko ang kahulugan ng panaginip ng hari. 25 At dinala agad ni Arioc si Daniel sa harapan ng hari at sinabi, "Natagpuan ko na ang lalaki sa mga bihag ng Juda na makapaghahayag ng kahulugan sa panaginip ng hari." 26 Sinabi ng hari kay Daniel (na tinatawag na Beltesazar), "May kakayahan ka bang sabihin sa akin ang panaginip na nakita ko at ang kahulugan nito?" 27 Sumagot si Daniel sa hari at sinabi, "Ang hiwagang pangagailangan ng hari ay hindi maihahayag sa pamamagitan ng mga may karunungan, ni sa pamamagitan ng mga nagsasabi na nakikipag-usap sa patay, ni sa mga salamangkero, at hindi sa mga manghuhula. 28 Gayon pa man, mayroong isang Diyos na naninirahan sa langit, na naghahayag ng mga lihim, at ipinaalam niya sa iyo, Haring Nebucadnezar kung ano ang mangyayari sa mga darating na araw. Ang iyong panaginip at mga pangitain ng iyong isip habang nakahiga ka sa iyong higaan ay ang mga ito: 29 Para sa iyo, hari, ang iyong mga pag-iisip ay dumating sa iyo sa iyong higaan kung ano ang mangyayari sa panahong darating, at ang isang makapaghahayag ng mga lihim na ipaalam sa iyo ay malapit ng mangyari. 30 Para sa akin, hindi maihahayag ang lihim na ito sa akin dahil sa anumang karunungan na mayroon ako higit pa sa kahit sinong nabubuhay na tao. Inihayag ang lihim na ito sa akin upang ikaw na hari ay maaaring maunawaan ang kahulugan nito at upang maaari mong malaman ang mga pag-iisip na nasa iyong kalooban. 31 Hari, tumingala ka at nakita mo ang isang malaking imahen. Ang imaheng ito ay napaka-makapangyarihan at maliwanag na nakatayo sa iyong harapan. Kakila-kilabot ang liwanag nito. 32 Gawa sa purong ginto ang ulo ng imahen. Gawa sa pilak ang dibib at mga braso nito. Ang gitna at hita nito ay gawa sa tanso, 33 at gawa sa bakal ang mga binti nito. Gawa sa pinaghalong bakal at putik ang mga paa nito. 34 Tumingala ka, at natibag ang isang bato, bagaman hindi sa pamamagitan ng mga kamay ng tao, at tumama ito sa bakal at putik na paa ng imahen at nabasag nila ito. 35 At magkakasabay na nabasag ang bakal, putik, tanso, pilak at ginto nang pira-piraso at naging parang dayami sa giikan sa tag-araw. Tinangay sila ng hangin palayo at walang naiwang bakas sa kanila. Ngunit ang batong tumama sa imahen ay naging malaking bundok at pinuno nito ang buong mundo. 36 Ito ang iyong panaginip. Ngayon, sasabihin na namin sa hari ang kahulugan. 37 Ikaw hari, ay hari ng mga hari na siyang binigyan ng kaharian ng Diyos sa langit, ang kapangyarihan, ang kalakasan, at ang karangalan. 38 Ibinigay niya sa iyong kamay ang lugar kung saan naninirahan ang mga tao. Ibinigay niya ang lahat ng hayop sa parang at mga ibon sa kalangitan sa iyong kamay, at ipinamahala niya ang lahat ng ito sa iyo. Ikaw ang gintong ulo ng imahen. 39 Pagkatapos mo, isa pang kaharian ang babangon na mas mababa sa iyo, at gayunman ang ikatlong kaharian ng tanso ang mamamahala sa buong mundo. 40 Magkakaroon ng ikaapat na kaharian, kasintibay ng bakal, dahil winawasak ng bakal ang ibang bagay nang pira-piraso at dudurugin ang lahat ng bagay. Dudurugin niya ang lahat ng mga bagay at wawasakin ang mga ito. 41 Tulad lamang ng nakita mo, ang paa at mga daliri ng paa na bahagyang gawa sa lutong putik at bahagyang gawa sa bakal, kaya ito ay magiging nahating kaharian; ilan sa kalakasan ng bakal ay naroon, tulad lamang ng nakita mong pinaghalong bakal kasama ang malambot na putik. 42 Habang ang mga daliri sa paa ay bahagyang gawa sa bakal at bahagyang gawa sa putik, kaya ang kaharian ay bahagyang matibay at bahagyang marupok. 43 Habang nakita mo na inihalo ang bakal sa malambot na putik, kaya magkakahalo ang mga tao; hindi na sila mananatiling magkasama, gaya ng bakal na hindi inihahalo sa putik. 44 Sa mga panahon ng mga haring iyon, magtatayo ang Diyos ng langit ng kaharian na hindi kailanman mawawasak, ni masasakop ng ibang mga tao. Dudurugin nito ang ibang mga kaharian nang pira-piraso at maglalagay ng wakas sa kanilang lahat at mananatili ito magpakailanman. 45 Gaya ng iyong nakita, isang batong natibag sa bundok, ngunit hindi sa pamamagitan ng mga kamay ng tao. Dinurog nito ang bakal, tanso, putik, pilak at ginto nang pira-piraso. Ipinaalam sa iyo ng dakilang Diyos, hari, ang mangyayari pagkatapos nito. Ang panaginip ay totoo at ang pagpapaliwanag na ito ay maaasahan." 46 Nagpatirapa si Haring Nebucadnezar sa harap ni Daniel at pinarangalan siya; iniutos niya na magsagawa ng handog at ang insensong iyon ay maihandog sa kaniya. 47 Sinabi ng hari kay Daniel, "Totoo na ang iyong Diyos ay Diyos ng mga diyos, ang Panginoon ng mga hari, at ang siyang naghahayag ng mga lihim, sapagkat may kakayahan kang makapaghayag ng hiwagang ito." 48 Pagkatapos, binigyan ng mataas na parangal ng hari si Daniel at binigyan siya ng maraming kamangha-manghang mga kaloob. Ginawa niya siyang pinuno sa buong lalawigan ng Babilonia. 49 Si Daniel ang naging punong gobernador sa lahat ng matatalinong kalalakihan ng Babilonia. Gumawa ng kahilingan si Daniel sa hari, at hinirang ng hari sina Shadrac, Meshac at Abednego na maging tagapangasiwa sa buong lalawigan ng Babilonia. Ngunit nanatili si Daniel sa palasyo ng hari.

Chapter 3

1 Gumawa ng isang gintong imahen si Nebucadnezar na animnapung siko ang taas at anim na siko ang lapad. Ipinatayo niya ito sa Kapatagan ng Dura sa lalawigan ng Babilonia. 2 Pagkatapos, nagpadala ng mga mensahe si Nebucadnezar upang sama-samang tipunin ang mga gobernador ng lalawigan, mga gobernador ng rehiyon at lokal na mga gobernador kasama ng mga konsehal, mga taga-ingat yaman, mga hukom, mga mahistrado at lahat ng matataas na opisyal ng lalawigan upang pumunta sa pagtatalaga ng imahen na kaniyang ipinatayo. 3 Pagkatapos, ang mga gobernador ng lalawigan, mga gobernador ng rehiyon at lokal na mga gobernador kasama ang mga konsehal, mga tagapag-ingat yaman, mga hukom mga mahistrado at lahat ng matataas na opisyal ng lalawigan ay sama-samang nagtipon sa pagtatalaga ng imahen na ipinatayo ni Nebucadnezar. Tumayo sila sa harapan nito. 4 At sumigaw ng malakas ang isang tagapamalita, "Inuutusan kayo, mga tao, mga bansa at mga wika, 5 sa oras na marinig ninyo ang tunog ng mga tambuli, mga plauta, mga sitar, mga lira, mga alpa at mga saltero at lahat ng uri ng instrumentong panugtog, magpatirapa kayo at magsisamba sa harapan ng gintong imahen na ipinatayo ni Haring Nebucadnezar. 6 Sinuman ang hindi magpatirapa at sumamba sa sandaling iyon ay itatapon sa naglalagablab na pugon." 7 Kaya nang marinig ng mga tao ang mga tunog ng mga tambuli, mga plauta, mga sitar, mga lira, mga alpa at mga saltero at lahat ng uri ng instrumentong panugtog, ang lahat ng mga tao, mga bansa at mga wika ay nagpatirapa at nagsisamba sa harapan ng gintong imahen na ipinatayo ni haring Nebucadnezar. 8 Ngayon, sa panahong ito dumating ang ilan sa mga taga-Caldeo at nagdala ng mga paratang laban sa mga Judio. 9 Sinabi nila kay haring Nebucadnezar, "Hari, mabuhay ka magpakailanman! 10 Ikaw, na hari ay gumawa ng kautusan na ang bawat tao na makakarinig ng tunog ng mga tambuli, mga plauta, mga sitar, mga lira, mga alpa at mga saltero at lahat ng uri ng instrumentong panugtog ay magpatirapa at dumapa sa harapan ng gintong imahen 11 Sinuman ang hindi magpatirapa at sumamba ay kailangang itapon sa naglalagablab na pugon. 12 Ngayon, may ilang mga Judio na iyong itinalaga sa mga gawain sa lalawigan ng Babilonia, ang kanilang mga pangalan ay sina Shadrac, Meshac at Abednego. Ang mga kalalakihang ito, o hari, ay hindi nakinig sa inyo. Hindi nila sinamba, pinaglingkuran ang iyong diyos o nagpatirapa sa harapan ng gintong imahen na iyong ipinatayo." 13 At napuno ng galit at poot si Nebucadnezar at iniutos na dalhin sa kaniya sina Shadrac, Meshac at Abednego. Kaya dinala nila ang mga kalalakihang ito sa harapan ng hari. 14 Sinabi ni Nebuchadnezar sa kanila, nakapagpasya na ba kayo, Shadrac, Meshac at Abednego upang hindi sambahin ang aking mga diyos o magpatirapa sa harapan ng gintong imahen na aking ipinatayo? 15 Ngayon, kung handa na kayo—kapag maririnig ninyo ang mga tunog ng mga tambuli, mga plauta, mga sitar, mga lira, mga alpa at mga saltero at lahat ng uri ng tugtugin—magpatirapa at dumapa sa imahen na aking ginawa at magiging maayos ang lahat. Ngunit kapag hindi kayo sasamba, kaagad kayong itatapon sa naglalagablab na pugon. Sinong diyos ang maaaring magligtas sa inyo mula sa aking mga kamay?" 16 Sumagot sa hari sina Shadrac, Meshac at Abednego, "Nebucadnezar, hindi namin kailangang sumagot sa usaping ito. 17 Kung mayroon mang sagot, ito ay ang aming Diyos na aming pinaglilingkuran ang may kakayahan na magligtas sa amin mula sa naglalagablab na pugon at ililigtas niya kami mula sa inyong mga kamay, o hari. 18 Ngunit kung hindi man, nais naming malaman mo ito, o hari, na hindi kami sasamba sa iyong mga diyos at hindi kami magpatirapa sa gintong imahen na iyong ipinatayo." 19 Pagkatapos, napuno ng poot si Nebucadnezar, nagbago ang kaniyang mukha laban kay Shadrac, Meshac at Abednego. Iniutos niya na painitin ang pugon ng pitong beses na mas mainit kaysa sa karaniwang init nito. 20 At iniutos niya sa ilan ng kaniyang pinakamalakas na mga kalalakihan ng kaniyang hukbo upang gapusin sina Shadrac, Meshac at Abednego at itapon sila sa naglalagablab na pugon. 21 Tinalian sila na suot pa ang kanilang mga balabal, mga tunika, mga turban at iba pang mga kasuotan at itinapon sila sa loob ng naglalagablab na pugon. 22 Dahil mahigpit na sinunod ang utos ng hari at pinainit ang pugon, ang apoy ang pumatay sa mga kalalakihan na nagdala kina Shadrac, Meshac at Abednego. 23 Bumagsak ang tatlong kalalakihang ito sa naglalagablab na pugon nang nakagapos. 24 At namangha ang haring si Nebucadnezar at agad na tumayo. Tinanong niya ng kaniyang mga tagapayo, Hindi ba't tatlong kalalakihan na nakagapos ang ating itinapon sa apoy?" Sumagot sila sa hari, "totoo mahal na hari." 25 Sumagot siya, "Ngunit apat na kalalakihan ang aking nakikita na hindi nakagapos at naglalakad sa gitna ng apoy at hindi sila nasaktan. Ang kinang ng ika-apat ay tulad ng anak ng mga diyos." 26 Pagkatapos, lumapit si Nebucadnezar sa pintuan ng naglalagablab na pugon at tumatawag, "Shadrac, Meshac at Abednego, mga lingkod ng Kataas-taasang Diyos, lumabas kayo! Halikayo rito" Pagkatapos, lumabas mula sa apoy sila Shadrac, Meshac at Abednego. 27 Nakita ang mga kalalakihang ito ng mga gobernador ng lalawigan, mga gobernador ng rehiyon at iba pang mga gobernador at nang mga konsehal ng mga hari na sama-samang nagtitipon. Hindi nasaktan ng apoy ang kanilang mga katawan, hindi natupok ang buhok sa kanilang mga ulo, hindi nasira ang kanilang mga balabal at hindi sila nag-amoy sunog. 28 Sinabi ni Nebucadnezar, "Purihin natin ang Diyos nina Shadrac, Meshac at Abednego na nagpadala ng kaniyang mensahero at nagbigay ng kaniyang mensahe sa kaniyang mga lingkod. Nagtiwala sila sa kaniya nang isinantabi nila ang aking utos at isinuko ang kanilang mga katawan kaysa sumamba o magpatirapa sa sinumang diyos maliban sa kanilang Diyos. 29 Kaya gagawa ako ng isang kautusan na sinumang tao, bansa o wika ang magsalita ng anumang laban sa Diyos nina Shadrac, Meshac at Abednego ay pagpipira-pirasuhin at gagawing tambakan ng basura ang kanilang mga tahanan sapagkat walang ibang diyos ang makakapagligtas tulad nito. 30 At itinaas niya sa tungkulin sina Shadrac, Meshac at Abednego sa lalawigan ng Babilonia.

Chapter 4

1 Ipinadala ni Haring Nebucadnezar ang atas na ito sa lahat ng mga lahi, mga bansa, at mga wikang naninirahan sa lupa: "Sumagana nawa ang inyong kapayapaan. 2 Tila mabuti sa aking sabihin sa inyo ang tungkol sa mga tanda at mga himalang ginawa sa akin ng Kataas-taasan. 3 Kahanga-hanga ang kaniyang mga tanda at makapangyarihan ang kaniyang mga himala! Walang hanggang kaharian ang kanyang kaharian, at nananatili sa sali't saling lahi ang kaniyang kapangyarihan. 4 Ako, si Nebucadnezar, masayang naninirahan sa aking tahanan at nagpapakasaya sa kasagaanan sa aking palasyo. 5 Ngunit natakot ako sa isang panaginip ko. Habang nakahiga ako roon, nabagabag ako sa mga larawang aking nakita at sa mga pangitain sa aking isipan. 6 Kaya nagbigay ako ng isang atas na dalhin sa aking harapan ang lahat ng mga kalalakihan sa Babilonia na may karunungan upang maipaliwanag nila ang panaginip sa akin. 7 At dumating ang mga salamangkero, mga nagsasabing nakikipag-usap sa mga patay, mga matatalinong kalalakihan, at mga astrologo. Sinabi ko sa kanila ang panaginip, ngunit hindi nila ito maipaliwanag sa akin. 8 Ngunit sa huli, pumasok si Daniel—na pinangalanang Beltesazar ayon sa pangalan ng aking diyos, at sumasakanya ang espiritu ng mga banal na diyos. Sinabi ko sa kaniya ang panaginip. 9 "Beltesazar, pinuno ng mga salamangkero, alam kong sumasaiyo ang espiritu ng mga banal na diyos at walang hiwaga ang labis na mahirap sa iyo. Sabihin mo sa akin kung ano ang aking nakita sa aking panaginip at kung ano ang kahulugan nito. 10 Ito ang mga pangitaing aking nakita sa aking isipan habang nakahiga ako sa aking higaan: Tumingin ako, at may isang puno sa gitna ng lupa, at labis na kahanga-hanga ang taas nito. 11 Lumaki ang puno at naging matatag. Umabot hanggang sa kalangitan ang tuktok nito at makikita ito hanggang sa mga dulo ng buong daigdig. 12 Magaganda ang mga dahon, sagana ang bunga at narito ang pagkain para sa lahat. Sumisilong sa lilim nito ang mga mababangis na hayop at namumugad ang mga ibon sa mga sanga nito. Mula dito, napapakain ang lahat ng nilalang. 13 Nakita ko sa aking isipan habang nakahiga ako sa aking higaan, at isang banal na mensahero ang bumaba mula sa kalangitan. 14 Sumigaw siya at sinabing, 'Sibakin ang puno at putulin ang mga sanga nito, tanggalin ang mga dahon, at ikalat ang mga bunga. Hayaang umalis ang mga hayop mula sa ilalim nito at lumipad ang mga ibon mula sa mga sanga nito. 15 Iwan ang tuod ng mga ugat nito sa lupa, na nakagapos ng isang gapos na bakal at tanso sa gitna ng mga murang damo sa parang. Hayaang mabasa ito ng hamog mula sa kalangitan. Hayaang mamuhay ito kasama ng mga hayop sa mga halaman sa lupa. 16 Hayaang mapalitan ang kaniyang isipan mula sa isipan ng tao at hayaaang isang isipan ng hayop ang maibigay sa kaniya hanggang sa pagkaraan ng pitong taon. 17 Ang pasyang ito ay sa pamamagitan ng atas na iniulat ng mensahero. Ito ay pasyang ginawa ng mga banal upang malaman ng mga nabubuhay na ang Kataas-taasan ang naghahari sa mga kaharian ng mga tao at ibinibigay ang mga ito sa sinumang naisin niyang mamuno sa mga ito, maging sa mga pinakamabababang tao.' 18 Ako, si Haring Nebucadnezar ay nagkaroon ng ganitong panaginip. Ngayon, ikaw Beltesazar, sabihin mo sa akin ang paliwanag, dahil wala sa mga may karunungang kalalakihan sa aking kaharian ang makapagpaliwanag nito sa akin. Ngunit makakaya mong gawin, dahil sumasaiyo ang espiritu ng mga banal na diyos.” 19 At labis na nabahala nang sandali si Daniel na pinangalanang Beltesazar, at nangamba siya sa kaniyang mga saloobin. Sinabi ng hari, “Beltesazar, huwag mong pangambahan ang panaginip o ang paliwanag nito." Sumagot si Beltesazar, "Aking panginoon, nawa sa mga namumuhi sa iyo mangyari ang panaginip, nawa para sa iyong mga kaaway ang paliwanag nito. 20 Ang punong nakita mo—na lumaki at naging matatag, at umabot hanggang sa kalangitan ang tuktok nito, at nakikita sa mga dulo ng buong daigdig— 21 na magaganda ang mga dahon, at sagana ang bunga, upang ito ay pagkain para sa lahat, at sumisilong sa lilim nito ang mga hayop, at kung saan namumugad ang mga ibon sa kalangitan— 22 ang punong ito ay ikaw, hari, ikaw na lumaking napakatatag. Lumaki ang iyong kadakilaan at umaabot sa kalangitan, at umaabot sa mga dulo ng daigdig ang iyong kapangyarihan. 23 Nakita mo, hari, ang isang banal na mensaherong bumababa mula sa langit at sinasabing, 'Sibakin ang puno at wasakin ito, ngunit iwan ang tuod ng mga ugat nito sa lupa, na nakagapos ng isang gapos na bakal at tanso sa gitna ng mga murang damo sa parang. Hayaang mabasa ito ng hamog mula sa kalangitan. Hayaang mamuhay ito kasama ng mga mababangis na hayop sa parang hanggang sa pagkaraan ng pitong taon.' 24 Ito ang paliwanag, hari. Isang atas ito ng Kataas-taasan na nakarating sa iyo, aking panginoong hari. 25 Itataboy ka mula sa mga tao, at maninirahan ka kasama ng mga mababangis na hayop sa parang. Kakain ka ng damo tulad ng isang baka, at mababasa ka ng hamog mula sa kalangitan, at lilipas ang pitong taon hanggang kilalanin mong ang Kataas-taasan ang naghahari sa mga kaharian ng mga tao at ibinibigay niya ang mga ito sa sinumang naisin niya. 26 Gaya ng iniutos na iwan ang tuod ng mga ugat ng puno, sa paraang ito, maibabalik ang kaharian sa iyo sa panahong kilalanin mong naghahari ang langit. 27 Kaya hari, hayaang maging katanggap-tanggap ang payo ko sa iyo. Tumigil ka sa pagkakasala at gawin kung ano ang matuwid. Talikuran mo ang iyong mga kasamaan sa pamamagitan ng pagpapakita ng habag sa mga inaapi, at maaaring magpatuloy pa ang iyong kasaganaan." 28 - 29 Nangyari ang lahat ng ito kay Haring Nebucadnezar pagkaraan ng labindalawang buwan. Naglalakad siya sa maharlikang palasyo sa Babilonia. 30 Sinasabi ng hari, "Hindi ba ito ang dakilang Babilonia, na aking itinatag para sa aking maharlikang tirahan, para sa kaluwalhatian ng aking kapangyarihan?" 31 Habang sinasabi pa ito ng hari, isang tinig ang nagmula sa langit: “Haring Nebucadnezar, iniatas laban sa iyo na hindi mo na pag-aari pa ang kahariang ito. 32 Itataboy ka palayo mula sa mga tao, at sa parang ang iyong magiging tahanan kasama ng mga mababangis na hayop. Kakain ka ng damo tulad ng isang baka. Lilipas ang pitong taon hanggang sa kilalanin mong ang Kataas-taasan ang naghahari sa mga kaharian ng tao at ibinibigay niya ang mga ito sa sinumang naisin niya." 33 Natupad kaagad kay Nebucadnezar ang atas na ito. Itinaboy siya palayo mula sa mga tao. Kumain siya ng damo tulad ng isang baka, at nabasa ang kaniyang katawan ng hamog mula sa kalangitan. Humaba ang kaniyang buhok na kasing haba ng mga balahibo ng mga agila, at naging tulad ng mga pangalmot ng mga ibon ang kaniyang mga kuko. 34 At sa katapusan ng mga araw, ako, si Nebucadnezar ay tumingin sa langit, at ibinalik sa akin ang aking katinuan. "Pinuri ko ang Kataas-taasan, at pinarangalan at niluwalhati ko ang siyang nabubuhay magpakailanman. Sapagkat ang kaniyang paghahari ay walang hanggang paghahari, at nananatili ang kaniyang kaharian sa lahat ng sali't saling lahi. 35 Itinuturing niyang walang halaga ang lahat ng mga naninirahan sa lupa, ginagawa niya sa hukbo ng langit at sa mga naninirahan sa lupa ang anumang naaayon sa kaniyang kagustuhan. Walang makakapigil o makakatutol sa kaniya. Walang makakapagsasabi sa kaniyang, 'Bakit mo ito ginawa?'' 36 Sa gayunding panahong nanumbalik sa akin ang aking katinuan, nanumbalik sa akin ang aking kapangyarihan at kaningningan para sa kaluwalhatian ng aking kaharian. Hinangad ng aking mga tagapayo at aking mga tagapamahala ang aking pagpanig. Ibinalik ako sa aking trono, at higit pang kadakilaan ang ibinigay sa akin. 37 Ngayon, ako, si Nebucadnezar ay nagpupuri, nagbubunyi, at nagpaparangal sa Hari ng langit, sapagkat matuwid ang lahat ng kaniyang mga gawa, at makatarungan ang kaniyang mga pamamaraan. Kaya niyang ibaba ang mga namumuhay sa kanilang sariling kapalaluan.

Chapter 5

1 Nagdaos si haring Belsazar nang napakalaking handaan para sa isang libo niyang maharlikang tauhan, at uminom siya ng alak sa harapan nilang lahat na isang libo. 2 Habang tinitikman ni Belsazar ang alak, nagbigay siya ng mga utos na ilabas ang mga sisidlan na gawa sa ginto at pilak na kinuha sa templo ng Jerusalem ng kaniyang amang si Nebucadnezar, upang mainuman niya at ng kaniyang mga maharlikang tauhan at ng kaniyang mga asawa at mga asawang tagapaglingkod. 3 Dinala ng mga tagapaglingkod ang mga gintong sisidlan na kinuha sa templo, ang bahay ng Diyos sa Jerusalem. At ito ang pinag-inuman ng hari at ang mga maharlika niyang tauhan at kaniyang mga asawa at mga asawang niyang taga-paglingkod. 4 Ininom nila ang alak at nagpuri sa kanilang mga diyus-diyosan na gawa sa ginto at pilak, tanso, bakal, kahoy at bato. 5 Sa sandaling iyon, lumitaw ang mga daliri ng isang kamay ng tao sa harapan ng patungan ng ilaw at nagsulat sa napalitadahang pader sa palasyo ng hari. At nakikita ng hari ang bahagi ng kamay habang nagsusulat. 6 Nagbago ang mukha ng hari at tinakot siya ng kaniyang isipan; ang kaniyang mga hita ay hindi siya kayang suportahan at ang kaniyang mga tuhod ay nag-uumpugan. 7 Sumigaw ang hari at nag-utos na papasukin ang mga nagsasabing nakikipag-usap sa mga patay, mga matatalinong kalalakihan at mga astrologo. At sinabi ng hari sa mga kilala dahil sa kanilang mga karunungan sa Babilonia, "Kung sino man ang makapagpapaliwanag sa nakasulat at makapagsasabi ng kahulugan nito ay dadamitan ng kulay ube at lalagyan ng gintong kuwintas sa kaniyang leeg. Magkakaroon siya ng kapangyarihan ng ikatlong pinakamataas na pinuno sa kaharian." 8 At ang lahat ng mga kalalakihan ng hari na kilala sa kanilang karunungan ay pumasok, ngunit hindi nila mabasa ang nakasulat o maipaliwanag sa hari ang kahulugan nito. 9 At labis na nabagabag si haring Belsazar at nagbago ang anyo ng kaniyang mukha. At namangha ang mga maharlika niyang tauhan. 10 Ngayon, pumasok ang inang reyna sa loob ng pinagpigingang bahay kung saan ang handaan dahil sa sinabi ng hari at ng kaniyang mga maharlikang tauhan. Sinabi ng inang reyna, "Hari, mabuhay ka magpakailanman! Huwag mong hayaang guluhin ka ng iyong pag-iisip. Huwag mong hayaang magbago ang anyo ng iyong mukha. 11 May isang lalaki sa iyong kaharian na nagtataglay ng espiritu ng mga banal na diyos. Sa mga panahon ng iyong ama, nakikita sa kaniya ang ilaw, pang-unawa at karunungan gaya ng karunungan ng mga diyos. Si haring Nebucadnezar, na iyong amang hari, ang nagtalaga sa kaniya na maging pinuno ng mga salamangkero at siya rin ang pinuno ng mga nakikipag usap sa patay, ng matatalinong kalalakihan at ng mga astrologo. 12 Ang lahat ng mga katangian na ito, natatanging espiritu, karunungan, pang-unawa, pagbibigay kahulugan sa mga panaginip, nagpapaliwanag sa mga matalinhagang salita, paglulutas ng mga suliranin ay matatagpuan sa mismong Daniel na pinangalanan ng hari na Beltesazar. Ipatawag mo si Daniel ngayon at sasabihin niya sa iyo ang kahulugan ng nakasulat." 13 Pagkatapos dinala si Daniel sa harapan ng hari. Sinabi ng hari sa kaniya, "Ikaw iyong Daniel, na isa sa mga taong binihag sa Juda, na kinuha ng aking ama mula sa Juda. 14 Nabalitaan ko ang tungkol sa iyo, na ang espiritu ng mga diyos ay nasa iyo, ang ilaw, ang pang-unawa at natatanging karunungan ay matatagpuan sa iyo. 15 At dinala sa harapan ko ang mga kalalakihan na kilala sa kanilang mga karunungan at ang mga nagsasabing nakikipag-usap sa mga patay, upang basahin ang nakasulat at sabihin sa akin ang kahulugan nito, ngunit hindi nila kayang sabihin ang kahulugan nito. 16 Narinig ko na kaya mong magbigay ng kahulugan at lumutas ng mga suliranin. Ngayon kapag nabasa mo ang nakasulat at sabihin sa akin ang kahulugan nito, dadamitan ka ng kulay ube at lalagyan ang iyong leeg ng gintong kuwintas, at ipagkakaloob sa iyo ang kapangyarihan ng ikatlong pinakamataas na pinuno sa kaharian." 17 At sumagot si Daniel sa harapan ng hari, "Hayaang mong sa iyo ang iyong mga kaloob at ibigay ang iyong mga gantimpala sa ibang tao. Ganoon pa man, babasahin ko sa iyo ang nakasulat, hari, at sasabihin ko sa iyo ang kahulugan. 18 Para sa iyo, hari, ang Kataas-taasang Diyos ang nagbigay ng kaharian kay Nebucadnezar na iyong ama nang may kadakilaan, karangalan at kapangyarihan. 19 At dahil sa kadakilaang ibinigay ng Diyos sa kaniya, ang lahat ng tao, mga bansa at mga wika ay nanginig at natakot sa kaniya. Ipinapatay niya ang mga gusto niyang mamatay at pinapanatili niyang buhay ang mga gusto niyang mabuhay. Binigyan niya ng karangalan ang mga gusto niyang parangalan, at ibinababa niya ang mga gusto niyang ibaba. 20 Ngunit nang nagmataas ang kaniyang puso at naging matigas ang kaniyang espiritu kaya kumilos siya ng may kapalaluan, ibinaba siya mula sa pagkahari, at tinanggal nila ang kaniyang kapangyarihan. 21 Itinaboy siya mula sa mga tao, at siya ay nagkaroon ng pag-iisip ng isang hayop, at nabuhay siya na kasama ang maiilap na mga asno. Kumakain siya ng damo tulad ng baka. Nababasa ang kaniyang katawan sa hamog na mula sa kalangitan hanggang sa natutuhan niyang ang Kataas-taasang Diyos ang naghahari sa mga kaharian ng mga tao at itinatalaga niya ang sinumang nais niyang maghari sa kanila. 22 Ikaw Belsazar, na kaniyang anak na lalaki, hindi mo ipinakumbaba ang iyong puso, kahit na alam mo ang lahat ng mga ito. 23 Itinaas mo ang iyong sarili laban sa Panginoon ng langit. Mula sa kaniyang tahanan dinala sa iyo ang mga sisidlang ininuman mo ng alak at iyong mga maharlikang tauhan at ng iyong mga asawa at ng iyong mga asawang lingkod at nagpuri kayo sa inyong mga diyus-diyosang gawa sa pilak at ginto, tanso, bakal, kahoy at bato----mga diyus-diyosang hindi makakita, hindi makarinig, o hindi nakakaalam ng anumang bagay. Hindi mo iginalang ang Diyos na may hawak ng iyong hininga sa kaniyang kamay at nakakaalam sa lahat ng iyong mga pamamaraan. 24 Kaya nagpadala ang Dios ng isang kamay mula sa kaniya at isinulat ito. 25 At ito ang kaniyang isinulat: MENE, MENE, TEKEL, UPHARSIN. 26 Ito ang kahulugan nito: MENE, ''Binilang' ng Diyos ang iyong kaharian at ito ay kaniyang winakasan. 27 TEKEL, ikaw ay 'tinimbang' sa mga timbangan at nakita na ikaw ay nagkulang. 28 PERES, ang iyong kaharian ay 'nahati' at ibinigay sa Medes at Persia." 29 Pagkatapos nito, nagbigay ng utos si Belsazar na damitan ng kulay ube si Daniel. Isang kuwintas na ginto ang isinuot sa kaniyang leeg at nagpahayag ang hari tungkol sa kaniya na siya ay magkakaroon ng kapangyarihan sa ikatlong pinakamataas na pinuno sa kaharian. 30 Sa gabing iyon pinatay si Belsazar, ang hari ng Babilonia, 31 at natanggap ni Darius na taga-Mede ang kaharian nang siya ay mag-aanimnapu't dalawang taong gulang.

Chapter 6

1 Nalugod si Dario na magtalaga sa buong kaharian ng 120 na mga gobernador ng lalawigan na mamahala sa buong kaharian. 2 Sa kanila ay may tatlong punong tagapamahala, at si Daniel ang isa sa kanila. Naitalaga ang mga punong tagapamahala upang pangasiwaan ang mga gobernador ng lalawigan, upang ang hari ay hindi makaranas pa ng kawalan. 3 Higit na natatangi si Daniel sa lahat ng mga punong tagapamahala at sa mga gobernador ng mga lalawigan dahil siya ay may natatanging espiritu. Binabalak ng hari na siya ay hiranging mamahala sa buong kaharian. 4 Kaya ang ibang punong tagapamahala at ang mga gobernador ng lalawigan ay naghahanap ng mga kamalian sa trabaho ni Daniel sa kaharian, ngunit wala silang makitang katiwalian o kakulangan sa kaniyang trabaho dahil matapat siya. Walang pagkakamali o kapabayaang natagpuan sa kaniya. 5 Kaya sinabi ng mga kalalakihang ito, "Wala tayong makitang anumang dahilan upang magreklamo laban sa Daniel na ito maliban lamang kung may makita tayong laban sa kaniya tungkol sa kautusan ng kaniyang Diyos. 6 Kaya nagdala ng plano ang mga namamahala at mga gobernador sa harapan ng hari na. Sinabi nila sa kaniya, "Haring Dario, mabuhay ka nawa magpakailanman! 7 Lahat ng mga pinunong tagapamahala ng kaharian, ang mga gobernador ng mga rehiyon, at ang mga gobernador ng lalawigan, ang mga tagapayo, at ang mga gobernador ay sumangguni sa isa't-isa at nagpasya na ikaw, ang hari, ay kailangang maglabas ng isang batas at kailangan itong ipatupad, upang ang sinumang gumawa ng panalangin sa anumang diyos o tao sa loob ng tatlumpung araw, maliban sa iyo, o hari, dapat maihagis ang taong iyon sa yungib ng mga leon. 8 Ngayon, o hari, magpalabas ka ng isang atas at lagdaan ang kasulatan upang sa gayon hindi na ito maaaring mabago, ayon sa mga batas na itinuturo ng mga Medo at Persia, sa gayon hindi ito mapawalang bisa. 9 Kaya nilagdaan ni Haring Dario ang dokumento na gawing batas ang kautusan. 10 Nang nalaman ni Daniel na nalagdaan na ang kasulatan na isina-batas, pumunta siya sa kaniyang bahay (ngayon ang kaniyang bintana sa itaas ay nakabukas sa dakong Jerusalem) at siya ay lumuhod, gaya ng ginagawa niya ng tatlong beses sa isang araw, at nanalangin at nagpapasalamat sa harapan ng kaniyang Diyos, gaya ng kaniyang dating ginagawa. 11 At nakita ng mga kalalakihang ito na magkakasamang bumuo ng masamang balak si Daniel na humihiling at humahanap ng tulong mula sa Diyos. 12 Pagkatapos, sila ay lumapit sa hari at nagsalita sa kaniya tungkol sa kaniyang batas: "Hindi ba gumawa ka ng batas na sinumang gumawa ng kahilingan sa anumang diyos o tao sa loob ng tatlumpung araw, maliban sa iyo hari ay dapat ihagis sa yungib ng mga leon?" Sumagot ang hari, "Naiayos na ang mga bagay na ito, ayon sa batas ng mga taga-Medo at mga taga-Persia; hindi na ito mapapawalang bisa." 13 At, sumagot sila sa hari, "Ang taong si Daniel, na isa sa mga taong bihag mula sa Juda ay hindi nakinig sa iyo, o hari, o sa iyong batas na iyong nilagdaan. Nanalangin siya sa kaniyang Diyos ng tatlong beses sa isang araw." 14 Nang marinig ito ng hari, labis siyang nabalisa at naghanap siya ng paraang iligtas si Daniel sa ganitong kapasyahan. Pinagsikapan niya hanggang sa paglubog ng araw na subukang iligtas si Daniel. 15 Pagkatapos, ang mga kalalakihang ito na nagbalak ng masama ay nagtipon kasama ang hari at sinabi sa kaniya, "Alam mo, o hari, nabatas ng Medo at Persia, na walang batas o kautusan na pinalabas ng hari ang maaaring mabago." 16 At nagbigay ng utos ang hari, at dinala nila sa loob si Daniel at inihagis nila siya sa yungib ng mga leon. At sinabi ng hari kay Daniel, "Iligtas ka nawa ng iyong Diyos na patuloy mong pinaglilingkuran." 17 Dinala ang isang bato sa pasukan ng yungib, at tinatakan ito ng hari ng kaniyang singsing na pangtatak at kasama ng mga tatak ng singsing ng mga maharlika upang walang anumang mabago tungkol kay Daniel. 18 Pagkatapos, pumunta ang hari sa kaniyang palasyo at magdamag siyang nag-ayuno. Walang mang-aaliw na dinala sa harapan niya at hindi siya nakatulog. 19 At nang madaling araw, bumangon ang hari at nagmamadaling nagtungo sa yungib ng mga leon. 20 Habang siya ay papalapit sa yungib, tinawag niya si Daniel, na may tinig na puno ng pagdadalamhati. Sinabi niya kay Daniel, "Daniel, lingkod ng buhay na Diyos, nailigtas ka ba ng iyong Diyos na lagi mong pinaglilingkuran mula sa mga leon?" 21 Pagkatapos sinabi ni Daniel sa hari, "Hari, mabuhay ka magpakailanman! 22 Nagsugo ang aking Diyos ng kaniyang mensahero at tinikom ang mga bibig ng mga leon at hindi nila ako sinaktan. Sapagkat nalaman nilang wala akong sala sa harapan niya at gayundin sa harapan mo, hari at hindi kita ginawan ng anumang kasamaan." 23 Pagkatapos, ang hari ay masayang masaya. Nagbigay siya ng utos na kailangang ilabas sa yungib si Daniel. Kaya itinaas nila si Daniel palabas ng yungib. Walang nakitang sugat sa kaniya, dahil siya ay nagtiwala sa kaniyang Diyos. 24 Nagbigay ng isang utos ang hari, na dalhin ang mga kalalakihang nagparatang kay Daniel at ihagis sila sa yungib ng mga leon, sila at ang kanilang mga anak, at ang kanilang mga asawa. Bago sila sumayad sa sahig ay sinunggaban na sila ng mga leon at pinagbabali ang kanilang mga buto nang pira-piraso. 25 Pagkatapos, sumulat si Haring Dario sa lahat ng mga tao, mga bansa at mga wika na naninirahan sa buong mundo: "Sumagana nawa ang kapayapaan sa inyo. 26 Ipinag-uutos ko na sa lahat ng nasasakupan ng aking kaharian, ang manginig at matakot ang mga tao sa harap ng Diyos ni Daniel, sapagkat siya ay buhay na Diyos at nabubuhay magpakailanman at hindi nawawasak ang kaniyang kaharian; ang kaniyang kapangyarihan ay maging hanggang sa wakas. 27 Iniingatan niya tayo at inililigtas at gumagawa siya ng mga tanda at kababalaghan sa langit at sa lupa; iningatan niyang ligtas si Daniel mula sa kapangyarihan ng mga leon." 28 Kaya sumagana ang Daniel na ito sa panahon ng paghahari ni Dario at sa panahon ng paghahari ni Ciro ang Persiano.

Chapter 7

1 Sa unang taon ni haring Belsazar ng Babilonia, nagkaroon si Daniel ng panaginip at mga pangitain habang siya ay nakahiga sa kaniyang higaan. Pagkatapos, isinulat niya kung ano ang kaniyang nakita sa panaginip. Isinulat niya ang mga pinakamahalagang kaganapan. 2 Ipinaliwanag ni Daniel, "Sa aking pangitain kagabi, nakita ko na pinapagalaw ng apat na hangin ng langit ang malaking dagat. 3 Lumitaw mula sa dagat ang apat na malalaking hayop, bawat isa ay hindi magkakapareho 4 Ang una ay tulad ng isang leon ngunit mayroong mga pakpak ng agila. Habang ako ay nagmamasid, natanggal ang mga pakpak nito at iniangat ito mula sa lupa at pinatayo sa dalawang paa tulad ng tao. Ibinigay rito ang pag-iisip ng isang tao. 5 At mayroong ikalawang hayop na tulad ng isang oso, nakayuko at mayroon itong tatlong tadyang sa pagitan ng mga ngipin sa bunganga nito. Sinabihan ito na, "Tumayo ka at lamunin ang maraming tao.' 6 Pagkatapos, muli akong tumingin. Mayroon pang isang hayop na kahawig ng isang leopardo. Sa likod nito ay mayroong apat na pakpak na tulad ng mga pakpak ng ibon at mayroon itong apat na ulo. Binigyan ito ng karapatan upang mamahala. 7 Pagkatapos nito, nakita ko sa aking panaginip kagabi ang ika-apat na hayop na nakakasindak, nakakatakot at napakalakas. Mayroon itong malaking bakal na ngipin. Lumalamon ito, dumudurog ng mga piraso at tinapak-tapakan ang natira. Kakaiba ito sa iba pang mga hayop at mayroon itong sampung sungay. 8 Habang pinagmamasdan ko ang mga sungay, tumingin ako at nakita ko ang isa pang sungay na tumubo mula sa kanila, isang maliit na sungay. Tatlo mula sa mga sungay ang pinihit palabas sa kanilang mga ugat. Nakita ko sa sungay na ito ang mga mata na tulad ng mga mata ng tao at isang bibig na nagmamayabang tungkol sa dakilang mga bagay. 9 Habang nakatingin ako, inihanda ang mga trono sa lugar nito at naupo sa kaniyang upuan ang Sinaunang mga Araw. Kasing puti ng niyebe ang kaniyang damit at ang buhok sa kaniyang ulo ay tulad ng balahibo ng tupa. Nagliliyab na apoy ang kaniyang trono at nagliliyab na apoy ang mga gulong nito. 10 Isang ilog na apoy ang umaagos palabas sa kaniyang harapan, milyon-milyon ang naglilingkod sa kaniya, at isang daang milyon ang nakatayo sa kaniyang harapan. Nasa pagpupulong ang hukuman at nabuksan ang mga libro. 11 Patuloy akong tumingin dahil sa mayayabang na mga salitang binanggit ng sungay. Pinanood ko ang hayop habang pinapatay, nawasak ang katawan nito at ibinigay upang sunugin. 12 Para sa mga natitira sa apat na hayop, inalis ang kanilang kapangyarihan ng pamamahala, ngunit pinahaba ang kanilang buhay para sa nalalabing panahon. 13 Sa aking pangitain nang gabing iyon, nakita ko ang isang dumarating kasabay ang mga ulap ng langit tulad ng isang anak ng tao. Lumapit siya sa Sinaunang mga Araw at iniharap siya sa kaniya. 14 Ibinigay sa kaniya ang karapatan upang mamuno, ang kaluwalhatian at ang makaharing kapangyarihan upang ang lahat ng mga tao, mga bansa, at mga wika ay dapat maglingkod sa kaniya. Walang hanggan ang kaniyang karapatang mamuno na hindi lilipas at hindi kailanman mawawasak ang kaniyang kaharian. 15 Ngunit para sa akin, na si Daniel, nagdadalamhati sa aking kaloob-looban ang aking espiritu at ginagambala ako ng mga pangitain na aking nakita sa aking isipan. 16 Nilapitan ko ang isa sa kanila na nakatayo roon at hiniling ko sa kaniya na ipakita sa akin ang kahulugan ng mga bagay na ito. 17 Ang malalaking hayop na ito, na apat ang bilang, ay apat na haring manggagaling mula sa daigdig. 18 Ngunit tatanggapin ng mga taong banal ng Kataas-taasan ang kaharian at aangkinin nila ito magpakailanman. 19 At nais ko pang malaman ang tungkol sa ikaapat na hayop, labis itong kakaiba sa mga iba at labis na kakila-kilabot ang bakal na ngipin at ang tansong mga kuko nito. Lumalamon ito, dumudurog ng mga piraso at tinatapakan ang anumang natira. 20 Nais kong malaman ang tungkol sa sampung sungay sa kaniyang ulo at ang tungkol sa ibang sungay na tumubo bago pa mahulog ang tatlong sungay. Nais ko pang malaman ang tungkol sa sungay na mayroong mga mata at tungkol sa bibig na nagyayabang tungkol sa mga dakilang mga bagay na parang mas nakatataas ito sa kaniyang mga kasamahan. 21 Habang nakatingin ako, nagtaguyod ng digmaan ang sungay na ito laban sa mga taong banal at tinatalo ang mga ito 22 hanggang dumating ang Sinaunang mga Araw at ibinigay ang katarungan sa mga taong banal ng Kataas-taasan. At dumating ang panahon na tinanggap ng mga taong banal ang kaharian. 23 Ito ang sinabi ng taong iyon, 'Ngunit para sa ikaapat na hayop, magiging ikaapat na kaharian ito sa daigdig na magiging kakaiba mula sa iba pang mga kaharian. Lalamunin, aapakan at dudurugin nito nang pira-piraso ang buong daigdig. 24 Ngunit para sa sampung sungay, mula sa kahariang ito manggagaling ang sampung hari at isa pa ang lilitaw pagkatapos nila. Magiging kakaiba siya mula sa mga nauna. At masasakop niya ang tatlong hari. 25 Magsasabi siya ng mga salita laban sa Kataas-taasan at aapihin niya ang mga taong banal ng Kataas-taasang Diyos. Susubukan niyang palitan ang mga pagdiriwang at ang kautusan. Maibibigay ang mga bagay na ito sa kaniyang mga kamay sa isang taon, dalawang taon at kalahating taon. 26 Ngunit magpupulong ang hukuman at kukunin ang kaniyang makaharing kapangyarihan upang tupukin at wasakin sa huli. 27 Maibibigay sa mga taong kabilang sa mga banal na tao ng Kataas-taasan ang kaharian, at ang kapangyarihan, ang mga kadakilaan ng mga kaharian sa ibaba ng buong kalangitan. Walang hanggang kaharian ang kaniyang kaharian, paglilingkuran at susundin siya ng lahat ng iba pang mga kaharian. 28 Narito ang katapusan ng lahat ng bagay. Ngunit para sa akin, na si Daniel, labis na nabahala ang aking isipan at nabago ang itsura ng aking mukha. Ngunit itinago ko ang mga bagay na ito sa aking sarili."

Chapter 8

1 Sa ikatlong taon ng paghahari ni Haring Belsazar, may pangitaing lumitaw sa akin, akong si Daniel (pagkatapos ng naunang ipinakita niya sa akin). 2 Nakita ko sa pangitain habang tumitingin ako, na ako ay nasa matatag na lungsod ng Susa sa lalawigan ng Elam. Nakita ko sa pangitain na nasa tabi ako ng Ilog Ulai. 3 Tumingin ako sa itaas at nakita ko sa aking harapan ang isang lalaking tupa na may dalawang sungay na nakatayo sa tabi ng ilog. Mas mahaba ang isang sungay kaysa sa isa. Ngunit mas mabagal ang paglaki ng mas mahaba kaysa sa mas maiksi at nalampasan nito ang haba. 4 Nakita kong sumasalakay ang lalaking tupa sa kanluran, sa hilaga at sa timog; walang ibang hayop ang kayang tumayo sa kaniyang harapan. Wala sa mga ito ang may kakayahang iligtas ang sinuman mula sa kaniyang kamay. Ginagawa niya ang anumang naisin niya at naging dakila siya. 5 Habang iniisip ko ang tungkol dito, nakakita ako ng isang lalaking kambing na nagmula sa kanluran, sa ibabaw ng buong mundo, tumatakbo nang mabilis na parang hindi sumasayad sa lupa. Ang kambing ay may isang malaking sungay sa pagitan ng kaniyang mga mata. 6 Lumapit siya sa lalaking tupa na may dalawang sungay—nakita ko ang lalaking tupa na nakatayo sa pampang ng ilog—at galit na galit na tumakbo ang kambing patungo sa lalaking tupa. 7 Nakita ko na lumapit ang kambing sa lalaking tupa. Galit na galit siya sa lalaking tupa, sinugod niya ang lalaking tupa at binali ang dalawang sungay nito. Walang kapangyarihan ang lalaking tupa upang tumayo sa harapan niya. Ibinuwal siya ng kambing sa lupa at tinapakan siya. Walang sinuman ang makapagliligtas sa lalaking tupa mula sa kaniyang kapangyarihan. 8 At naging napakalaki ng kambing. Ngunit nang maging malakas siya, nabali ang malaking sungay at tumubo sa lugar nito ang apat na iba pang mga sungay na nakaturo sa apat na hangin ng kalangitan. 9 Tumubo ang isa pang sungay mula sa isa sa mga ito, maliit sa una, ngunit naging napakalaki sa timog, sa silangan at sa maluwalhating lupain ng Israel. 10 Naging napakalaki nito upang makipagdigma sa hukbo ng langit. Ang ilan sa mga hukbo at ilan sa mga bituin ay itinapon sa lupa at tinapakan sila. 11 Naging dakila ito, kasindakila ng banal na pinuno ng hukbo. Kinuha mula sa kaniya ang karaniwang alay na susunugin at naging marumi ang lugar ng kaniyang santuwaryo. 12 Dahil sa paghihimagsik, ibibigay ang hukbo sa sungay ng kambing at ititigil ang alay na susunugin. Ihahagis ng sungay ang katotohanan sa lupa at magtatagumpay ito sa kaniyang ginagawa. 13 At narinig ko na nagsasalita ang isang banal at sinasagot siya ng isa pang banal, "Gaano katagal mananatili ang mga bagay na ito, ang pangitaing ito tungkol sa alay na susunugin, ang kasalanan na nagdadala ng kapahamakan, ang pagpapasakamay ng santuwaryo at ang pagtapak sa hukbo ng langit?" 14 Sinabi niya sa akin, "Magtatagal ito sa loob ng 2, 300 na araw at gabi. Pagkatapos nito, magiging maayos ang santuwaryo." 15 Nang akong si Daniel ay nakita ang pangitain, sinubukan kong unawain ito. At may tumayo sa harapan ko na katulad ng isang lalaki. 16 Narinig ko ang tinig ng isang lalaking tumatawag sa pagitan ng mga pampang ng Ilog Ulai. Sinabi niya, "Gabriel, tulungan mo ang lalaking ito na maunawaan ang pangitain." 17 Kaya lumapit siya sa kinatatayuan ko. Nang lumapit siya, natakot ako at nagpatirapa sa lupa. Sinabi niya sa akin, "Unawain mo, anak ng tao, na ang pangitain ay para sa panahon ng pagwawakas." 18 Nang kausapin niya ako, nakatulog ako nang mahimbing na nasa lupa ang aking mukha. Pagkatapos, hinawakan niya ako at pinatayo. 19 Sinabi niya, "Tingnan mo, ipapakita ko sa iyo kung ano ang susunod na mangyayari sa panahon ng matinding galit dahil may kinalaman ang pangitain sa mangyayari sa panahon na nakatakda para sa wakas. 20 Ang lalaking tupa na iyong nakita, ang isa na may dalawang sungay—sila ang mga hari ng Media at Persia. 21 Ang lalaking kambing ang hari ng Grecia. Ang malaking sungay sa pagitan ng kaniyang mga mata ay ang unang hari. 22 Ang naputol na sungay sa lugar kung saan lumitaw ang apat na iba pa—lilitaw mula sa kaniyang bansa ang apat na kaharian, ngunit hindi kasinlakas ng kaniyang dakilang kapangyarihan. 23 Sa huling panahon ng mga kahariang iyon, kapag umabot na sa sukdulan ang mga lumalabag sa batas, lilitaw ang isang haring may mabagsik na mukha na napakatalino. 24 Magiging dakila ang kaniyang kapangyarihan—ngunit hindi sa pamamagitan ng kaniyang sariling kapangyarihan. Magdudulot siya nang malawakang pagkawasak at magtatagumpay siya sa anumang gagawin niya. Lilipulin niya ang mga makapangyarihang tao, ang mga taong banal. 25 Sa pamamagitan ng kaniyang katusuhan, pasasaganain niya ang panlilinlang sa ilalim ng kaniyang kamay. Lilitaw din siya laban sa Hari ng mga hari at mawawasak siya—ngunit hindi sa pamamagitan ng kapangyarihan ng tao. 26 Totoo ang pangitain na sinabi tungkol sa mga gabi at mga umaga. Ngunit selyohan mo ang pangitain, sapagkat tumutukoy ito sa maraming araw sa hinaharap." 27 At akong si Daniel ay napagod at nanghina sa loob ng ilang araw. Pagkatapos, bumangon ako at pumunta sa gawain ng hari. Ngunit kinilabutan ako dahil sa pangitain at walang sinumang nakaunawa nito.

Chapter 9

1 Si Dario ay ang anak ni Assuero, isang kaapu-apuhan ng Medo. Ito ay si Dario na ginawang hari sa buong kaharian ng mga taga-Babilonia. 2 Ngayon sa unang taon ng paghahari ni Dario, ako si Daniel, ay pinag-aaralan ko ang mga aklat na naglalaman ng salita ni Yahweh, ang salitang dumating kay Jeremias na propeta. Napag-aralan kong may pitumpung taon hanggang sa matapos ang pagpapabaya sa Jerusalem. 3 Iniharap ko ang aking mukha sa Panginoong Diyos, upang hanapin siya sa pamamagitan ng panalangin at mga kahilingan, ng pag-aayuno, at pagsuot ng magaspang na tela at pag-upo sa mga abo. 4 Nanalangin ako kay Yahweh na aking Diyos, at ipinahayag ko ang aming mga kasalanan. Sinabi ko, "Nagsusumamo ako sa iyo, Panginoon, ikaw ay dakila at kahanga-hangang Diyos na siyang tumutupad ng kasunduan at tapat sa mga umiibig sa iyo at sumusunod sa iyong mga kautusan. 5 Nagkasala kami at gumawa ng mali. Gumawa kami ng masama at kami ay naghimagsik, tumalikod mula sa iyong mga kautusan at mga atas. 6 Hindi kami nakinig sa iyong mga lingkod na propetang nagsalita sa iyong pangalan sa aming mga hari, sa aming mga pinuno, sa aming mga ninuno at sa lahat ng tao sa lupain. 7 Sa iyo ang katuwiran, Panginoon. Gayunman sa amin ngayon, ang kahihiyan ay sa aming mga mukha—para mga taga-Juda at sa mga naninirahan sa Jerusalem, at sa lahat ng taga-Israel. Kasama ng mga ito ang mga malapit at malayo sa buong lupain kung saan mo sila ikinalat. Ito ay dahil sa labis na pagtataksil na ginawa namin laban sa iyo. 8 Sa amin, Yahweh, ang kahihiyan ay sa aming mga mukha—para sa aming mga hari, sa aming mga pinuno at sa aming mga ninuno—dahil nagkasala kami laban sa iyo. 9 Sa aming Panginoong Diyos ang pinanggagalingan nang habag at kapatawaran, sapagkat naghimagsik kami laban sa kaniya. 10 Hindi namin sinunod ang tinig ni Yahweh na aming Diyos sa pamamagitan ng paglakad sa kaniyang mga kautusan na ibinigay sa pamamagitan ng kaniyang lingkod na mga propeta. 11 Lahat ng taga-Israel ay lumabag sa iyong mga utos at tumalikod sa iyong mga kautusan, tinatanggihang sundin ang iyong tinig. Ang sumpa at mga panunumpa na naisulat sa kautusan ni Moises, ang lingkod ng Diyos, ay naibuhos sa amin, sapagkat nagkasala kami laban sa kaniya. 12 Pinatunayan ni Yahweh ang mga salitang kaniyang sinabi laban sa amin at laban sa mga namumuno sa amin, sa pamamagitan ng pagdadala sa amin ng malaking kapahamakan. Sapagkat sa ilalim ng kabuuan ng langit wala pang nangyaring anumang bagay na maaaring ihambing sa kung ano ang nangyari sa Jerusalem. 13 Gaya ng nasusulat sa kautusan ni Moises, dumating ang lahat ng kapahamakan sa amin, ngunit hindi parin kami nagmakaawa mula kay Yahweh na aming Diyos sa pamamagitan ng pagtalikod mula sa aming mga kalikuan at bigyang pansin ang iyong katotohanan. 14 Samakatwid inihanda ni Yahweh ang kapahamakan at dinala ito sa amin, sapagkat matuwid si Yahweh na ating Diyos sa lahat ng mga gawang kaniyang ginagawa, ngunit hindi parin natin sinunod ang kaniyang tinig. 15 Ngayon, Panginoon na aming Diyos, inilabas mo ang iyong mga tao mula sa lupain ng Egipto sa pamamagitan ng isang makapangyarihang kamay, at gumawa ka ng tanyag na pangalan para sa iyong sarili, maging sa kasalukuyan. Ngunit nagkasala parin kami; gumawa parin kami ng masasamang bagay. 16 Panginoon, dahil sa lahat ng iyong mga matuwid na mga gawa, hayaan mong mawala ang iyong galit at ang iyong poot mula sa iyong lungsod na Jerusalem, ang iyong banal na bundok. Dahil sa aming mga kasalanan, at dahil sa kalikuan ng aming mga ninuno, naging isang paksa ng pangungutya ang Jerusalem at ang iyong mga tao sa lahat ng nakapalibot sa amin. 17 Ngayon, aming Diyos, pakinggan mo ang dalangin ng iyong lingkod at sa kaniyang pagsusumamo para sa habag; para sa iyong kapakanan, Panginoon, pagliwanagin mo ang iyong mukha sa iyong santuwaryo na pinabayaan. 18 Aking Diyos, buksan mo ang iyong mga tainga at makinig; buksan mo ang iyong mga mata at tingnan. Ganap kaming nawasak; tingnan mo ang lungsod na tinawag sa pamamagitan ng iyong pangalan. Hindi kami nagsumamo sa iyo ng tulong dahil sa aming katuwiran, ngunit dahil sa iyong labis na habag. 19 Panginoon makinig! Panginoon magpatawad! Panginoon, magbigay pansin at kumilos ka! Para sa iyong kapakanan, huwag mong ipagpaliban, aking Diyos, sapagkat ang iyong lungsod at ang iyong tao ay tinawag sa pamamagitan ng iyong pangalan." 20 Habang ako ay nagsasalita—nananalangin at nagpapahayag ng aking mga kasalanan at ang kasalanan ng aking kababayang taga-Israel, at idinudulog ang aking mga kahilingan kay Yahweh na aking Diyos alang-alang sa banal na bundok ng Diyos— 21 habang ako ay nananalangin, ang lalaking si Gabriel, na nakita ko sa unang pangitain ay mabilis na lumipad pababa sa akin, sa panahon ng pag-aalay sa gabi. 22 Binigyan niya ako ng pang-unawa at sinabi sa akin, "Daniel, pumunta ako ngayon upang bigyan kita ng kaalaman at pang-unawa. 23 Nang ikaw ay humihingi ng habag, ibinigay ang atas at pumunta ako upang sabihin sa iyo ang sagot, sapagkat labis kang iniibig. Samakatwid isaalang-alang ang salitang ito at unawain ang pahayag. 24 Pito na tig-pipitumpong taon ang iniatas para sa iyong mga tao at sa iyong banal na lungsod upang wakasan ang pagkakasala at wakasan ang kasalanan, upang pagbayaran ang kasamaan, upang dalhin ang walang hanggang katuwiran, upang tuparin ang pangitain at propesiya at upang gawing banal ang dakong kabanal-banalan. 25 Alamin at unawain na mula sa pagpapalaganap ng utos na panunumbalikin at itatayong muli ang Jerusalem sa pagdating ng isang hinirang (na magiging isang pinuno), magkakaroon ng pito na tig-pipito at pito na tig-aanimnaputdalawa. Muling maitatayo ang Jerusalem kasama ang mga lansangan at isang kanal kahit pa sa mga panahon ng kabalisahan. 26 Pagkatapos ng pito na tig-aanimnapu't dalawang taon, ang isang hinirang ay malilipol at mawawalan. Wawasakin ng hukbo ng isang parating na pinuno ang lungsod at ang banal na lugar. Darating ang katapusan nito sa pamamagitan ng baha at magkakaroon ng digmaan hanggang sa huli. Ang pagkawasak ay itinakda na. 27 Pagtitibayin niya ang isang kasunduan sa marami sa loob ng isang pito. Sa kalagitnaan ng pito wawakasan niya ang pag-aalay at ang paghahandog. Sa pakpak ng mga kasuklam-suklam darating ang isang tao na siyang gagawa ng pagkasira. Isang ganap na pagwawakas at pagkawasak ang itinakdang ibubuhos sa gumawa ng pagkasira."

Chapter 10

1 Sa ikatlong taon ng paghahari ni Ciro na hari ng Persia, isang mensahe ay ipinahayag kay Daniel, (na tinawag na Beltesazar) at ang mensaheng ito ay totoo. Tungkol ito sa isang malaking digmaan. Naunawaan ni Daniel ang mensahe nang ipinakita sa kaniya sa pamamagitan ng pangitain. 2 Sa mga araw na iyon akong si Daniel ay tumatangis ng tatlong linggo. 3 Hindi ako kumain ng masasarap na pagkain, hindi ako kumain ng karne, hindi ako uminom ng alak, at hindi ko pinahiran ng langis ang aking sarili hanggang sa matapos ang buong tatlong linggo. 4 Sa ika dalawampu't apat na araw ng unang buwan, samantalang ako ay nasa tabi ng malaking ilog (ito ang Tigris), 5 Tumingala ako at nakita ko ang isang lalaki na nakadamit ng telang lino, na may sinturon na nakapalibot sa kaniyang baywang na yari sa purong ginto mula sa Uphas. 6 Ang kaniyang katawan ay katulad ng topaz, ang kaniyang mukha ay katulad ng kidlat, ang kaniyang mga mata ay katulad ng ningas ng mga tanglaw, ang kaniyang mga braso at kaniyang mga paa ay katulad ng makinis na tanso, at ang tunog ng kaniyang salita ay katulad ng ingay ng napakaraming tao. 7 Akong si Daniel lamang ang nakakita ng pangitain, sapagkat hindi nakita ng mga lalaking kasama ko ang pangitain. Gayunman, isang malaking takot ang dumating sa kanila at tumakbo sila upang magtago. 8 Kaya naiwan akong mag-isa at nakita ko ang dakilang pangitain na ito. Nawalan ako ng lakas; ang aking maningning na anyo ay binago ng takot at wala akong natirang lakas. 9 Pagkatapos narinig ko ang kaniyang mga salita- at nang marinig ko ang mga ito, bumagsak ako sa mahimbing na pagkakatulog na nakasubsob sa lupa ang aking mukha. 10 May kamay na humawak sa akin, at sobrang nangatog ang aking mga tuhod at ang palad ng aking mga kamay. 11 Sinabi ng anghel sa akin, "Daniel, lalaking lubos na iniibig, unawain mo ang mga salitang sasabihin ko sa iyo, at tumayo ka ng matuwid sapagkat ipinadadala ako sa iyo. "Nang sabihin niya ang salitang ito sa akin, tumayo akong nanginginig. 12 Pagkatapos, sinabi niya sa akin, "Huwag kang matakot, Daniel. Samantalang sa unang araw na itinakda mo ang iyong isipan upang unawain at upang magpakumbaba ang iyong sarili sa harapan ng Diyos, ang iyong mga salita ay narinig at dumating ako dahil sa iyong mga salita. 13 Tinanggihan ako ng prinsipe ng kaharian ng Persia, at ako ay nanatili roon kasama ang mga hari ng Persia ng dalawampu't-isang araw. Subalit si Miguel, isa sa mga pinakapunong prinsipe, pumunta at tinulungan ako. 14 Ngayon ay naparito ako upang tulungan kang unawain kung ano ang mangyayari sa iyong mga tao sa mga huling araw. Sapagkat ang pangitain ay para sa mga araw na darating." 15 "Nang magsalita siya sa akin gamit ang mga salitang ito, iniharap ko ang aking mukha sa lupa at hindi ako makapagsalita. 16 May isang anyong tulad ng tao ang humipo sa aking mga labi, at ibinukas ko ang aking bibig at nakipag-usap sa kaniya na nakatayo sa aking harapan, "Aking panginoon, ibinalik ng pangitain ang dalamhati sa akin at wala na akong natirang lakas. 17 Ako ang iyong lingkod. Paano ako makikipag-usap sa aking panginoon? Na ngayon ay wala na akong lakas, at walang natirang hininga sa akin." 18 Hinawakan ako ng isang anyong tulad ng tao at pinalakas ako. 19 Sabi niya, "Lalaki na lubos na iniibig, huwag kang matakot. Sumaiyo ang kapayapaan. Magpakatatag ka ngayon; magpakatatag ka! "Nang magsalita siya sa sa akin, napalakas ako at sinabi ko, "Hayaan mong magsalita ang aking panginoon, sapagkat pinalakas mo ako." 20 Sinabi niya, "Alam mo ba kung bakit ako pumunta sa iyo? Babalik na ako ngayon para labanan ang prinsipe ng Persia. Kapag lumabas ako, darating ang prinsipe ng Grecia. 21 Subalit sasabihin ko sa iyo kung ano ang nakasulat sa Aklat ng Katotohanan- walang sinuman ang magpapakita sa akin ng kaniyang sarili na malakas, maliban kay Miguel na iyong prinsipe."

Chapter 11

1 "Sa unang taon ni Dario na taga-Media, dumating ako mismo upang tulungan at pangalagaan si Miguel. 2 At ngayon, ipapahayag ko sa iyo ang isang katotohanan. Tatlong hari ang lilitaw sa Persia at ang ika-apat ay higit na mayaman kaysa sa kanilang lahat. Nang magkaroon siya ng kapangyarihan sa pamamagitan ng kaniyang mga kayamanan, hihimukin niya ang bawat isa laban sa kaharian ng Grecia. 3 At mamumuno ang isang makapangyarihang hari sa isang napakalaking kaharian at gagawin niya ang lahat ng bagay na kaniyang naisin. 4 Sa kaniyang paglitaw, mawawasak ang kaniyang kaharian at mahahati sa apat na hangin ng langit. Ngunit hindi ito maibibigay sa kaniyang mga kaapu-apuhan, at hindi ito magkakaroon ng dati nitong kapangyarihan nang pinamumunuan niya ito. Sapagkat mabubunot ang kaniyang kaharian at ibibigay sa hindi niya sariling kaapu-apuhan. 5 Magiging malakas ang hari ng Timog ngunit isa sa kaniyang mga pinuno ng hukbo ang magiging mas malakas sa kaniya at pamumunuan ang mas malaki pang kaharian. 6 Pagkatapos ng ilang taon, sa tamang panahon, gagawa sila ng isang kasunduan. Pupunta ang babaeng anak ng hari ng Timog sa hari ng Hilaga upang patunayan ang kasunduan. Ngunit mawawala ang kaniyang kapangyarihan, at iiwanan siya—siya at ang mga nagdala sa kaniya, ang kaniyang ama, at ang isang taong tumulong sa kaniya sa mga panahong iyon. 7 Ngunit lilitaw ang isang sanga mula sa kaniyang mga ugat na papalit sa kaniyang puwesto. Sasalakayin niya ang mga hukbo at papasukin ang mga tanggulan ng hari ng Hilaga. Lalabanan niya sila at sasakupin. 8 Dadalhin niya sa Egipto ang kanilang mga diyos kasama ang kanilang mga inukit na imaheng metal at ang kanilang mahahalagang lalagyan ng pilak at ginto at sa loob ng ilang taon, iiwasan niyang salakayin ang hari ng Hilaga. 9 Sasakupin ng hari ng Hilaga ang kaharian ng hari ng Timog, ngunit aatras siya sa kaniyang sariling lupain. 10 Magsisimula ng digmaan ang kaniyang mga anak na lalaki at magtitipon ng isang malaking hukbong patuloy na darating at aapaw na tulad ng isang baha, makakapasok at muling sasalakay hanggang sa kaniyang tanggulan. 11 Ang hari ng Timog ay galit na magmamartsa at makikipaglaban sa hari ng Hilaga. Magpapalakas ng malaking hukbo ang hari ng Hilaga, ngunit ibibigay ito sa hari ng Timog. 12 Kapag nagtagumpay na ang mga hukbo, mapupuno ng pagmamataas ang hari ng Timog, at papatayin ang libu-libo sa kaniyang mga kaaway. Ngunit hindi siya magtatagumpay. 13 Muling bubuo ng isa pang hukbo ang hari ng Hilaga, mas malaki kaysa nauna. Pagkatapos ng ilang taon, ang hari ng Hilaga ay tiyak na babalik na may isang malaking hukbo na natustusan ng maraming kagamitan. 14 Sa mga panahong iyon, marami ang lilitaw laban sa hari ng Timog. Ang mga pinakamarahas sa iyong mga tao ay tatayo sa kanilang mga sarili upang tuparin ang pangitain, ngunit matitisod sila at mahuhulog. 15 Darating ang hari ng Hilaga at magtatayo ng mga tambak na daraanan at bibihagin ang pinatibay na lungsod. Hindi makakayanang tumayo ng puwersa ng Timog, maging ang kanilang pinakamalalakas na kawal ay walang lakas upang tumayo. 16 Ngunit gagawin ng hari ng Hilaga ang lahat ng gusto niyang gawin laban sa hari ng Timog at walang sinumang pipigil sa kaniya; itatatag niya ang kaniyang sarili sa mainam na lupaing dala-dala ng kaniyang kamay ang ganap na pagkawasak. 17 Ang hari ng Hilaga ay magpapasyang pumunta na taglay ang lakas ng kaniyang buong kaharian, at dala-dala niya ang isang makatarungang kasunduan na kaniyang ipatutupad kasama ang hari ng Timog. Ibibigay niya sa hari ng Timog ang isang babaeng anak na ipapakasal upang wasakin ang kaharian ng Timog. Ngunit hindi magtatagumpay o makakatulong sa kaniya ang balak na ito. 18 Pagkatapos nito, bibigyang pansin ng hari ng Hilaga ang mga baybaying lugar at bibihagin ang marami sa kanila. Ngunit isang pinuno ang pipigil sa kaniyang kalikuan at ibabalik ng pinunong ito ang kaniyang kalikuan sa kaniya. 19 At bibigyan niya ng pansin ang mga kutang tanggulan sa kaniyang sariling lupain, ngunit matitisod siya at babagsak; hindi na siya matatagpuan. 20 Pagkatapos ay may isang lilitaw na kapalit niya at sapilitang maniningil ng pambayad sa buwis para tustusan ang kayamanan ng kaharian. Ngunit sa loob lamang ng ilang araw, siya ay mawawasak, ngunit hindi sa pamamagitan ng galit o labanan. 21 Lilitaw na kapalit niya ang isang hamak na tao, taong hindi pinararangalan ng mga tao ng pangharing parangal; tahimik siyang papasok at kukunin niya ang kaharian dahil sa hindi tapat na papuri. 22 Isang malaking hukbo ang matatangay tulad ng isang baha sa kaniyang harapan. Mawawasak ang hukbong iyon at ang pinunong itinatag ng tipan. 23 Mula sa oras ng pakikipagkasundo sa kaniya, kikilos siya nang may pandaraya; at sa kaunting bilang ng mga tao ay magiging malakas siya. 24 Pupunta siya sa mga pinakamayayamang lalawigan nang walang pasabi at gagawin niya ang mga bagay na hindi man lamang ginawa ng kaniyang ama ni ginawa ng ama ng kaniyang ama— na ikakalat sa kaniyang mga tagasunod ang mga nasamsam, ang mga ninakaw at ang kayamanan. Balak niyang alisin ang pinagtibay na tanggulan, ngunit sa sandaling panahon lamang. 25 Palalakasin niya ang kaniyang kapangyarihan at ang kaniyang tapang laban sa hari ng Timog taglay ang isang malaking hukbo. Magsisimula ng digmaan ang hari ng Timog kasama ang makapangyarihang hukbo, ngunit hindi siya makakatayo dahil sa dami ng banta laban sa kaniya. 26 Maging ang mga kasama ng haring kumakain sa hapag-kainan ay susubukan siyang wasakin. Tatangayin ng agos ang kaniyang mga hukbo tulad ng baha at marami sa kanila ang papatayin. 27 Ang dalawang haring ito ay uupo sa parehong hapag-kainan taglay ang kasamaan ng kanilang mga puso laban sa isa't isa, at magsisinungaling sa bawat isa, ngunit walang layunin. Sapagkat darating ang katapusan sa nakatakdang panahon. 28 At babalik ang hari ng Hilaga sa kaniyang lupain na may maraming kayamanan, ngunit lalabag ang kaniyang puso laban sa banal na tipan. Gagawin niya ang kaniyang ninanais at babalik siya sa kaniyang sariling lupain. 29 Sa nakatakdang panahon, babalik siya at sasakuping muli ang Timog. Ngunit sa pagkakataong ito, hindi ito magiging tulad ng dati. 30 Sapagkat darating ang mga barko ng Kitim laban sa kaniya at mawawalan siya ng pag-asa at babalik. Sisiklab ang galit niya laban sa banal na tipan at masisiyahan siya sa mga taong sumasalungat sa banal na tipan. 31 Lilitaw ang kaniyang mga hukbo at lalapastanganin ang santuwaryo at ang kutang tanggulan; kukunin nila ang mga karaniwang handog na susunugin at magsisimula sila ng pagkasuklam na magiging sanhi ng ganap na pagkawasak. 32 Lilinlangin ang mga lumabag sa tipan at aakitin sila, ngunit ang mga taong nakakakilala sa kanilang Diyos ay magiging malakas at kikilos. 33 Magbibigay nang pang-unawa sa marami ang mga matatalinong tao. Ngunit sa loob ng ilang araw ay mamamatay sila sa espada at sa apoy, bibihagin sila bilang mga bilanggo at nanakawin ang kanilang mga pag-aari. 34 Kapag natisod sila, makatatanggap sila ng kaunting tulong at marami ang sasama sa kanila na walang isang salita. 35 Ang ilan sa mga matatalino ay matitisod upang maging dalisay, malinis at malinang hanggang sa panahon ng katapusan. Sapagkat ang nakatakdang panahon ay paparating pa lamang. 36 Gagawin ng hari ang lahat ng kaniyang ninanais. Itataas niya at palalakihin ang kaniyang sarili sa ibabaw ng bawat diyus-diyosan, at magsasalita ng mga bagay na kagulat-gulat laban sa Diyos ng mga diyos. Magtatagumpay siya hanggang sa maganap ang poot. Sapagkat matutupad ang ipinasyang magaganap. 37 Hindi niya isasaalang-alang ang mga diyos ng kaniyang mga ninuno, ang diyos na ninanais ng mga kababaihan, o iba pang mga diyos. Magmamataas siya at aangkining mas mataas siya sa kanilang lahat. 38 Sa halip na sila, sasambahin niya ang diyos ng mga tanggulan. Paparangalan niya ng ginto at pilak ang isang diyos na hindi kilala, kasama ang mga mahahalagang bato at mamahaling handog. 39 Sasalakayin niya ang mga pinakamalalakas na tanggulan sa tulong ng mga taong kabilang sa isang hindi kilalang diyos. Pararangalan niya ang mga humahanga sa kaniya. Gagawin niya silang mga pinuno ng maraming tao at hahatiin niya ang lupain na may kabayaran. 40 Sa mga huling panahon, sasalakay ang hari ng Timog. Mabilis na sasalakay sa kaniya ang hari ng Hilaga na tulad ng isang bagyo na may kasamang mga karwahe at mga mangangabayo at maraming barko. Sasakupin niya ang maraming bansa at tatangayin niya sila tulad ng isang baha. 41 Darating siya sa maluwalhating lupain, at sampung libong Israelita ang matitisod at babagsak, ngunit maraming taga-Edom at Moab at mga natitirang tao ng Amon ang makakatakas mula sa kaniyang kamay. 42 Palalawakin niya ang kaniyang kapangyarihan sa maraming bansa; hindi makakatakas ang lupain ng Egipto. 43 Magkakaroon siya ng kapangyarihan sa lahat ng mga ginto at pilak, at sa lahat ng kayamanan ng Egipto; paglilingkuran siya ng mga taga-Libya at Etiopia. 44 Ngunit mangangamba siya sa mga ulat mula sa silangan at hilaga at lalabas siya nang may napakatinding galit upang ibukod ang karamihan para sa pagkawasak. 45 Itatayo niya ang mga tolda ng kaniyang palasyo sa pagitan ng mga karagatan, at sa magandang banal na bundok. Darating siya sa kaniyang katapusan at walang sinumang tutulong sa kaniya.

Chapter 12

1 "Sa panahong iyon, tatayo si Miguel, ang dakilang prinsipe na nagbabantay sa iyong mga kababayan. Magkakaroon ng panahon ng kaguluhan na hindi pa nararanasan kailanman magmula nang nagkaroon ng anumang bansa hanggang sa panahong iyon. Sa panahong iyon, maililigtas ang iyong mga kababayan, ang lahat ng pangalang matatagpuang nakasulat sa aklat. 2 Marami sa mga natutulog sa alabok ng daigdig ang babangon, ang ilan ay sa walang hanggang buhay at ang ilan ay sa kahihiyan at walang hanggang pagdurusa. 3 Ang mga marurunong ay magliliwanag tulad ng liwanag ng kalangitan sa kaitaasan at ang mga nakapagpanumbalik ng marami sa katuwiran ay tulad ng mga bituin magpakailanman. 4 Ngunit ikaw Daniel, isara mo ang mga salitang ito; panatilihin mong selyado ang aklat hanggang sa panahon ng pagwawakas. Marami ang magsisitakbuhan paroo't parito at madaragdagan ang kaalaman." 5 At ako, si Daniel ay tumingin, at may dalawa pang nakatayo roon. Ang isa ay nakatayo sa dakong gilid ng ilog na ito at ang isa ay nakatayo sa pampang sa kabilang dako ng ilog. 6 Sinabi ng isa sa kanila sa lalaking nakasuot ng telang lino na nasa ibabaw ng tubig, "Gaano katagal matatapos ang mga kamangha-manghang pangyayaring ito?" 7 Narinig ko ang lalaking nakasuot ng telang lino na nasa ibabaw ng tubig—itinaas niya ang kaniyang kanang kamay at kaliwang kamay sa langit at nangako sa nabubuhay magpakailanman na mangyayari ito sa isang panahon, mga panahon at kalahati, ito ay tatlo at kalahating taon. Kapag natapos ang pagsira sa kapangyarihan ng mga banal na tao, matatapos ang lahat ng mga bagay na ito. 8 Narinig ko ngunit hindi ko naunawaan. Kaya nagtanong ako, "Panginoon ko, ano ang magiging kahihinatnan ng lahat ng mga bagay na ito?" 9 Sinabi niya, "Makakaalis ka na Daniel sapagkat nakasara ang mga salita at selyado hanggang sa panahon ng pagwawakas. 10 Marami ang dadalisayin, lilinisin at lilinangin ngunit ang mga masasama ay magpapakasama. Wala ni isa sa mga masasama ang makakaunawa, ngunit ang mga marurunong ay makakaunawa. 11 Mula sa panahong inalis ang karaniwang handog na susunugin at ang pagkasuklam na sanhi ng ganap na pagkawasak ay handa na, magkakaroon ng 1, 290 na mga araw. 12 Mapalad ang mga naghihintay hanggang sa matapos ang 1, 335 na mga araw. 13 Kinakailangan mong manatili sa iyong kaparaanan hanggang sa huli at mamamahinga ka. Tatayo ka sa lugar na itinalaga sa iyo sa mga huling araw."