Tagalog: Tagalog Unlocked Literal Bible

Updated ? hours ago # views See on DCS Draft Material

1 Corinto

Chapter 1

1 Mula kay Pablo, na tinawag upang maging isang apostol ni Cristo Jesus ayon sa kalooban ng Diyos, at kay Sostenes na ating kapatid, 2 sa iglesia ng Diyos sa Corinto, na mga naihandog kay Cristo Jesus, silang tinawag na maging mga taong banal. Sumusulat din kami sa lahat nang dako sa mga tumatawag sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, ang kanilang Panginoon at sa atin. 3 Nawa ay sumainyo ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo. 4 Lagi akong nagpapasalamat sa aking Diyos sa inyo, dahil sa biyaya ng Diyos na ibinigay ng Panginoong Cristo Jesus sa inyo. 5 Ginawa niya kayong mayaman sa lahat ng paraan, sa lahat ng pananalita at sa lahat ng kaalaman. 6 Ginawa niya kayong mayaman, gaya ng patotoo tungkol kay Cristo na napatunayang totoo nga sa inyo. 7 Samakatuwid kayo nga ay hindi nagkukulang sa kaloob ng Espiritu, habang sabik kayong naghihintay sa kapahayagan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 8 Kayo din ay kaniyang palalakasin hanggang sa huli, upang kayo ay walang bahid sa araw ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 9 Tapat ang Diyos na siyang tumawag sa inyo sa pakikipagtipon sa kaniyang Anak na si Jesu-Cristo na ating Panginoon. 10 Ngayon, hinihikayat ko kayo, mga kapatid, sa pamamagitan ng pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na magkakasundo kayong lahat, at walang pagkakahati-hati sa inyo. Pinapakiusap ko sa inyo na kayo ay magkaisa sa kaisipan at maging sa layunin. 11 Sapagkat ibinalita sa akin ng mga tauhan ni Cloe na may namumuong mga alitan sa inyo. 12 Ang ibig kong sabihin: Ang bawat isa sa inyo ay nagsasabi, "Kay Pablo ako," o "Kay Apolos ako," o "Kay Cefas ako," o "Kay Cristo ako." 13 Si Cristo ba ay nahahati? Si Pablo ba ay napako para sa inyo? Kayo ba ay binautismuhan sa pangalan ni Pablo? 14 Ako ay nagpapasalamat sa Diyos na wala akong binautismuhan sa inyo, maliban kay Crispo at Gayo. 15 Ito ay upang walang isa man sa inyo na magsasabing binautismuhan ko kayo sa aking pangalan. 16 (Binautismuhan ko din ang sambahayan ni Stefanas. Sa kabila nito, hindi ko na alam kung may nabautismuhan pa akong iba.) 17 Sapagkat hindi ako isinugo ni Cristo upang magbautismo kundi mangaral ng ebanghelyo. Hindi niya ako isinugo upang mangaral sa salita na may karunungan ng tao, upang ang krus ni Cristo ay hindi mawawalan ng kapangyarihan. 18 Sapagkat ang mensahe tungkol sa krus ay kamangmangan sa mga mamamatay. Ngunit para sa mga inililigtas ng Diyos, ito ay ang kapangyarihan ng Diyos. 19 Sapagkat nasusulat, "Sisirain ko ang karunungan ng marurunong. Bibiguin ko ang pang-unawa ng mga matatalino." 20 Nasaan ang taong marunong? Nasaan ang dalubhasa? Nasaan ang debatista ng mundong ito? Hindi ba't pinalitan ng Diyos ang karunungan ng mundong ito ng kamangmangan? 21 Dahil ang mundo sa sarili nitong karunungan ay hindi kinilala ang Diyos, nalugod ang Diyos sa pamamagitan ng kamangmangan ng pangangaral na iligtas ang sinumang sumasampalataya. 22 Sapagkat humihiling ang mga Judio ng mga tanda ng himala at naghahangad ng karunungan ang mga Griyego. 23 Ngunit ipinapangaral namin si Cristo na napako, isang ikinatitisod ng mga Judio at kamangmangan sa mga Griyego. 24 Ngunit sa lahat ng mga tinawag ng Diyos, maging Judio at Griyego, ipinapangaral namin na si Cristo ang kapangyarihan at ang karunungan ng Diyos. 25 Sapagkat ang kamangmangan ng Diyos ay mas higit sa karunungan ng tao, at ang kahinaan ng Diyos ay higit sa kalakasan ng tao. 26 Tumingin kayo sa pagkatawag ng Diyos sa inyo, mga kapatid. Iilan lamang ang marurunong sa inyo sa pamamagitan ng pamantayan ng tao. Iilan lamang ang makapangyarihan sa inyo. Iilan lamang ang may maharlikang kapanganakan sa inyo. 27 Ngunit pinili ng Diyos ang mga bagay na mangmang sa mundo upang hiyain ang mga marurunong. Pinili ng Diyos kung anong mahihina sa mundo upang hiyain ang malakas. 28 Pinili ng Diyos kung ano ang mabababa at hinamak sa mundo. Pinili nga niya ang mga bagay na itinuring na walang kabuluhan, upang mawalang kabuluhan ang mga bagay na pinanghahawakang mahalaga. 29 Ginawa niya ito upang walang sinuman ang may dahilan upang magyabang sa harapan niya. 30 Dahil sa ginawa ng Diyos, kayo ngayon ay na kay Cristo Jesus na naging karunungan natin na mula sa Diyos. Siya ang ating naging katuwiran, kabanalan, at katubusan. 31 Kaya nga, gaya ng sinabi ng kasulatan, "Kung ang isa man ay magmamalaki, ipagmalaki niya ang Panginoon,"

Chapter 2

1 Nang pumunta ako sa inyo, mga kapatid, hindi ako pumariyan na may kahusayan ng pananalita o karunungan nang aking ipinahayag ang mga lihim na katotohanan tungkol sa Diyos. 2 Sapagkat nagpasya akong walang kilalanin nang ako ay nasa inyo maliban kay Jesu-Cristo na siyang ipinako sa krus. 3 At nakasama ninyo ako sa kahinaan, at pagkatakot, at sa matinding panginginig. 4 At ang aking mensahe at pagpapahayag ay hindi sa mapang-akit na pananalita ng karunungan. Sa halip, kasama ng mga ito ang pagpapakita ng Espiritu at ng kapangyarihan, 5 upang ang inyong pananampalataya ay hindi sa karunungan ng mga tao, kundi sa kapangyarihan ng Diyos. 6 Ngayon nagsasalita kami ng karunungan sa mga ganap, ngunit hindi ang karunungan ng mundong ito, o ng mga namumuno sa kapanahunang ito, na lumilipas. 7 Sa halip nagsasalita kami ng karunungan ng Diyos sa lihim na katotohanan, ang lihim na karunungang itinalaga ng Diyos bago pa ang mga panahon para sa ating kaluwalhatian. 8 Wala sa mga namumuno sa panahong ito ang nakakaalam ng ganitong karunungan, sapagkat kung naunawaan lang sana nila ito sa panahong iyon, hindi na sana nila ipinako sa krus ang Panginoon ng kaluwalhatian. 9 Ngunit gaya ng nasusulat, "Mga bagay na hindi nakita ng mata, na hindi narinig ng tainga, na hindi sumagi sa isipan, ang mga bagay na inihanda ng Diyos para sa mga umiibig sa kaniya." 10 Ito ang mga bagay na inihayag ng Diyos sa atin sa pamamagitan ng Espiritu. Sapagkat sinasaliksik ng Espiritu ang lahat, kahit ang mga lihim ng Diyos. 11 Sapagkat sino ang nakakaalam sa iniisip ng tao, maliban ang espiritung nasa kaniya? Ganoon din, walang nakakaalam sa mga lihim ng Diyos maliban ang Espiritu ng Diyos. 12 Ngunit hindi natin tinanggap ang espiritu ng mundo, kundi ang Espiritu na siyang nagmula sa Diyos, upang maaari nating malaman ang mga bagay na kusang ibinigay sa atin ng Diyos. 13 Sinasabi namin ang tungkol sa mga bagay na ito sa pamamagitan ng salita na hindi kayang ituro sa pamamagitan ng karunungan ng tao, ngunit itinuro ng Espiritu sa amin. Ipinapaliwanag ng Espiritu ang mga espiritwal na mga salita sa espiritwal na karunungan. 14 Hindi makakatanggap ng mga bagay na nabibilang sa Espiritu ng Diyos ang hindi espiritwal na tao, sapagkat kahangalan ang mga ito sa kaniya. Hindi niya nakikilala ang mga ito dahil ang mga ito ay nakikilala sa pamamagitan ng espiritu. 15 Hahatulan ng isang espiritwal ang lahat ng bagay, ngunit hindi siya sakop sa paghahatol ng iba. 16 "Sapagkat sino ang nakakaalam sa isip ng Panginoon upang siya ay turuan?" Ngunit nasa atin ang pag-iisip ni Cristo.

Chapter 3

1 At ako, mga kapatid, hindi ko kayo nakakausap na tulad ng mga taong espiritual, sa halip bilang mga taong makalaman, bilang mga sanggol kay Cristo. 2 Pinaiinom ko kayo ng gatas at hindi ko kayo pinapakain ng karne, sapagkat hindi pa kayo handa sa karne. At hanggang ngayon ay hindi pa rin kayo handa. 3 Sapagkat nananatili kayong makalaman. Dahil kung may paninibugho at pagtatalo na umiiral pa sa inyo, hindi ba namumuhay pa kayo sa laman at hindi ba kayo lumalakad sa pamantayan ng tao? 4 Sapagkat kapag may isang nagsabi, "Ako ay sumusunod kay Pablo," at sinasabi naman ng isa, "Ako ay sumusunod kay Apolos," hindi ba namumuhay pa kayo bilang isang tao? 5 Sino ba si Apolos? At sino ba si Pablo? Mga lingkod na dahil sa kanila kayo ay sumampalataya, na bawat isa sa kanila ay nabigyan ng Panginoon ng mga tungkulin. 6 Ako ang nagtanim, si Apolos ang nagdilig, ngunit ang Diyos ang nagpapalago. 7 Kung magkagayon, hindi mahalaga kung sino ang nagtatanim, ni ang nagdidlilig. Ngunit ang Dios ang siyang nagpapalago. 8 Ngayon ang nagtatanim at nagdidilig ay iisa, at ang bawat isa ay tatanggap ng kaniyang sahod ayon sa kaniyang sariling trabaho. 9 Sapagkat kami ay kapwa mga manggagawa ng Diyos. Kayo ang hardin ng Diyos, gusali ng Diyos. 10 Ayon sa biyayang ibinigay sa akin ng Diyos bilang isang mahusay na punong tagapagtayo, ako ang naglagay ng pundasyon at may ibang nagtatayo sa ibabaw nito. Subalit mag-ingat ang bawat tao kung paano siya magtatayo sa ibabaw nito. 11 Sapagkat walang sinuman ang makapaglalagay ng ibang pundasyon maliban sa isa na naitayo na, na si Jesu-Cristo. 12 Ngayon kung sinumang nagtatayo sa ibabaw ng pundasyon sa ginto, pilak, mga mahahalagang bato, kahoy, dayami, o pinaggapasan, 13 ang kaniyang gawa ay maihahayag, dahil ang liwanag ng araw ang magsisiwalat nito. Sapagkat ito ay ihahayag ng apoy. Ang apoy ang susubok sa uri at halaga ng anumang gawa ng bawat isa. 14 Kung mananatili ang anumang bagay na tinayo ng tao, siya ay tatanggap ng gantimpala. 15 Nguni't kung masunog ang ginawa ng sinuman, siya ay mawawalan. Nguni't siya mismo ay ligtas, na gaya ng naligtas mula sa mga apoy. 16 Hindi ba ninyo alam na kayo ang templo ng Diyos at ang Espiritu ng Diyos ay naninirahan sa inyo? 17 Kung sinuman ang wawasak sa templo ng Diyos, sisirain din ng Diyos ang taong iyon. Sapagkat ang templo ng Diyos ay banal at maging kayo. 18 Huwag ninyong dayain ang inyong mga sarili. Kung ang sinuman sa inyo ay nag-iisip na siya ay marunong sa panahong ito, hayaan siyang maging "mangmang" upang magtamo siya ng karunungan. 19 Sapagkat ang karunungan sa mundong ito ay kamangmangan sa Diyos. Sapagkat nasusulat, "Hinuhuli niya ang marunong sa kaniyang katusuhan". 20 At gayun din, "Alam ng Panginoon na ang mga pangangatuwiran ng marunong ay walang saysay." 21 Kaya wala ng magyayabang sa mga tao! Sapagkat lahat ng mga bagay ay sa inyo, 22 kahit na si Pablo, o si Apolos, o si Cefas, o ang sanlibutan, o ang buhay, o ang kamatayan, o mga bagay sa kasalukuyan, o mga bagay na darating. Lahat ng mga bagay ay sa inyo, 23 at kayo ay kay Cristo, at si Cristo ay sa Diyos.

Chapter 4

1 Ganito dapat ang ipalagay ng tao sa amin, bilang mga lingkod ni Cristo at mga katiwala ng mga lihim na katotohanan ng Diyos. 2 Sa kaugnayan nito, kinakailangang mapagkakatiwalaan ang mga katiwala. 3 Ngunit para sa akin, ito ay napakaliit lamang na bagay para mahatulan ninyo ako o nang anumang hukuman ng tao. Sapagkat hindi ko nga hinahatulan ang aking sarili. 4 Wala akong nalalaman na anumang sakdal laban sa akin ngunit hindi nangangahulugang ako ay walang sala. Ang Panginoon ang siyang hahatol sa akin. 5 Kaya, huwag kayong humatol tungkol sa anumang bagay bago ang panahon, bago dumating ang Panginoon. Dadalhin niya sa liwanag ang mga lihim na bagay ng kadiliman at ihahayag ang mga layunin ng puso. At makatatanggap ang bawat isa ng kaniyang papuri mula sa Diyos. 6 Ngayon, mga kapatid, ginawa ko ang mga prinsipyong ito sa aking sarili at ni Apolos para sa inyong kapakanan upang mula sa amin ay inyong matutunan ang kahulugan ng kasabihan na, "Huwag ninyong hihigitan kung ano ang nasusulat." Ito ay upang wala sa inyo ang maging mayabang sa pagtatangi ng isa laban sa iba. 7 Sapagkat sino ang nakakakita ng pagkakaiba ninyo sa iba? Anong mayroon kayo na hindi ninyo tinanggap ng walang bayad? Kung natanggap ninyo ito ng walang bayad, bakit kayo nagyayabang na parang hindi ninyo nagawa? 8 Nasa inyo na lahat ng maaari ninyong gustuhin! Naging mayaman na kayo! Nagsimula na kayong maghari- at nang bukod sa amin! Tunay nga, nais kong maghari kayo upang makapaghari kami na kasama ninyo. 9 Sapagkat iniisip kong kaming mga apostol ay inilagay ng Diyos sa kahuli-hulihan ng hanay na pinapanood at gaya ng mga taong nahatulan ng kamatayan. Kami ay naging isang palabas sa mundo, sa mga anghel at sa mga tao. 10 Kami ay mga hangal alang-alang kay Cristo, ngunit kayo ay marunong kay Cristo. Kami ay mahina, ngunit kayo ay malakas. Kayo ay kinilala sa karangalan, ngunit kami ay kinilala sa kahihiyan. 11 Hanggang sa mga oras na ito, kami ay nagugutom at nauuhaw, kami ay nagkukulang sa kasuotan, kami ay pinalo nang may kalupitan, at kami ay walang matuluyan. 12 Nagpakahirap kami sa paggawa, gumagawa sa sarili naming mga kamay. Nang kami ay nilait, nagpapala kami. Nang kami ay inusig, nagtiis kami. 13 Noong kami ay siniraan, nagsalita kami ng may kabaitan. Kami ay naging, at maituturing pa rin na inaayawan ng mundo at ang pinakamarumi sa lahat ng mga bagay. 14 Hindi ko isinulat ang mga bagay na ito upang hiyain kayo, ngunit upang itama kayo bilang aking mga minamahal na anak. 15 Sapagkat kahit mayroon kayong sampung libo na tagabantay kay Cristo, wala kayong maraming ama. Sapagkat naging ama ninyo ako kay Cristo Jesus sa pamamagitan ng ebanghelyo. 16 Kaya hinihikayat ko kayo na tularan ninyo ako. 17 Ito ang dahilan kung bakit ko pinapunta sa inyo si Timoteo, ang aking minamahal at tapat na anak sa Panginoon. Siya ang magpapaalala sa inyo ng aking mga kaparaanan kay Cristo, gaya ng pagtuturo ko sa kanila sa lahat ng dako at sa bawat iglesya. 18 Ngayon, ang iba sa inyo ay lubhang mayabang, kumikilos na parang hindi ako darating sa inyo. 19 Ngunit malapit na akong pumunta sa inyo, kung kalooban ng Panginoon. At hindi ko lamang malalaman ang salita ng mga mayayabang na ito, ngunit makikita ko ang kanilang kapangyarihan. 20 Sapagkat ang kaharian ng Diyos ay hindi naglalaman ng usapin kundi ng kapangyarihan. 21 Ano ba ang gusto ninyo? Kailangan ko bang pumunta sa inyo na may pamalo o nang may pag-ibig at sa espiritu ng kahinahunan?

Chapter 5

1 Narinig namin ang ulat na may nangyayaring sekswal na imoralidad sa inyo, ang uri ng imoralidad na hindi nga pinahihintulutan kahit sa mga Gentil. Ang ulat ay ganito, may isa sa inyo na nakikipagtalik sa asawa ng kaniyang ama. 2 At masyado kayong mayabang. Sa halip, hindi ba dapat na magluksa kayo? Dapat maalis sa inyo ang gumawa nito. 3 Sapagkat, kahit na wala ako sa katawan ngunit kasama pa rin ninyo ako sa espiritu, at hinatulan ko na ang siyang gumawa nito, na parang nariyan ako. 4 Kung magtitipun-tipon kayo sa ngalan ng ating Panginoong Jesus, at nariyan din ang aking espiritu sa kapangyarihan ng ating Panginoong Jesus, hinatulan ko na ang taong iyan. 5 Ginawa ko ito upang maipasakamay ang taong ito kay Satanas para sa pagkawasak ng laman, upang maaaring maligtas ang kaniyang espiritu sa araw ng Panginoon. 6 Hindi mabuti ang inyong pagmamalaki. Hindi ba ninyo alam na mapapaalsa ang buong tinapay sa kaunting lebadura? 7 Linisin ninyo ang inyong sarili sa lumang lebadura upang kayo ay maging bagong masa, at upang kayo ay maging tinapay na walang lebadura. Sapagkat si Cristo, na ating kordero ng Paskua, ay inihandog na. 8 Kaya atin nang ipagdiwang ang pista, hindi sa lumang lebadura, na siyang lebadura ng masamang pag-uugali at kasamaan. Kundi, ipagdiwang natin ang tinapay na walang lebadura ng katapatan at katotohanan. 9 Sumulat ako sa inyo sa aking liham upang kayo ay huwag makisama sa mga taong mahahalay. 10 Hindi ko ibig sabihin na sa mga imoral na tao sa mundong ito, o sa mga sakim, o sa mga mandaraya, o sa mga taong sumasamba sa diyus-diyosan, sapagkat sa paglayo mula sa kanila ay kakailanganin ninyong umalis sa mundo. 11 Ngunit ngayon sumusulat ako sa inyo upang huwag kayong makisama sa sinumang tinawag na kapatid kay Cristo ngunit siya ay namumuhay sa sekswal na imoralidad, o sakim, o sumasamba sa mga diyus-diyosan, o mapang-abuso sa pananalita, o lasinggero, o mandaraya. Ni makikisalo sa pagkain sa ganiyang tao. 12 Sapagkat paanong ako ay nasasangkot sa paghahatol sa mga tao sa labas ng iglesiya? Sa halip, hindi ba't dapat ninyong hatulan ang mga nasa loob ng iglesiya? 13 Ngunit ang Diyos ang siyang hahatol sa mga nasa labas. "Alisin ang masamang tao mula sa inyo."

Chapter 6

1 Kung mayroong alitan ang isa sa inyo sa iba, maglalakas-loob ba siya na pupunta sa korteng pambayan sa harapan ng hindi mananampalatayang hukom, sa halip na sa harapan ng mga mananampalataya? 2 Hindi ba ninyo alam na ang mga mananampalataya ang hahatol sa mundo? At kung hahatulan ninyo ang mundo, wala ba kayong kakayahan na ayusin ang mga hindi mahahalagang bagay? 3 Hindi ba ninyo alam na tayo ang hahatol sa mga anghel? Gaano pa kaya na hatulan natin ang mga bagay ng buhay na ito? 4 Kung gayun nga na kailangan ninyong gumawa ng mga hatol ukol sa pang-araw araw na buhay, bakit ninyo idinudulog ang mga ganitong kaso sa harapan ng mga walang katayuan sa iglesiya? 5 Sinasabi ko ito upang kayo ay hiyain. Wala bang kahit isa sa inyo ang may sapat na karunungan upang ayusin ang mga alitan sa pagitan ng mga kapatid? 6 Ngunit ang nagyayari ay, ang isang mananampalataya ay pumupunta sa korte laban sa isa pang mananampalataya, at ang kasong iyon ay nakalagay sa harapan ng isang hukom na hindi mananampalataya! 7 Ang katunayan na may mga anumang alitan sa pagitan ng mga Kristiyano ay pagkatalo na para sa inyo. Bakit hindi nalang pagdusahan ang mali? Bakit hindi nalang hayaan na kayo ay dayain? 8 Ngunit ginawan ninyo ng mali at dinaya ang iba, at sila ay inyong mga sariling kapatid! 9 Hindi ba ninyo alam na hindi mamanahin ng mga hindi matuwid ang kaharian ng Diyos? Huwag kayong maniwala sa mga kasinungalingan. Ang mga mahahalay, mga sumasamba sa mga diyus-diyosan, mga nangangalunya, mga lalaking nagbebenta ng aliw, silang mga nakikipagtalik sa kapwa lalaki, 10 mga magnanakaw, mga sakim, mga lasinggero, mga mapanirang-puri, mga mandaraya---wala sa kanila ang magmamana sa kaharian ng Diyos. 11 At ganyan ang ilan sa inyo. Ngunit nilinis na kayo, at inihandog na kayo sa Diyos, at kayo ay ginawa nang matuwid sa Diyos sa ngalan ng Panginoong Jesu-Cristo at sa pamamagitan ng Espiritu ng ating Diyos. 12 "Para sa sakin ang lahat ay pinapahintulutan ng batas, ngunit hindi lahat ng bagay ay kapaki-pakinabang para sa akin. "Para sa sakin ang lahat ay pinapahintulutan ng batas," ngunit hindi ako magpapaalipin alinman sa mga ito. 13 "Para sa tiyan ang pagkain, at ang tiyan ay para sa pagkain," ngunit kapwa wawasakin ng Diyos ang mga ito. Hindi ginawa ang katawan para sa gawaing mahahalay. Sa halip, ang katawan ay para sa Diyos, at ang Panginoon ang magkakaloob para sa katawan. 14 Binuhay ng Diyos ang Panginoon at siya din ang bubuhay sa atin sa pamamagitan ng kaniyang kapangyarihan. 15 Hindi ba ninyo alam na ang inyong mga katawan ay mga bahagi ni Cristo? Maaari ko bang kunin ang mga bahagi ni Cristo at isama sa mga nagbebenta ng aliw? Hindi ito maaari! 16 Hindi ba ninyo alam na ang sinumang nakipag-isa sa mga nagbebenta ng aliw ay magiging isang laman kasama siya? Gaya ng sinasabi ng kasulatan, "Ang dalawa ay magiging isang laman." 17 Ngunit ang sinumang nakipag-isa sa Panginoon ay nakikipag-isa sa kaniya sa espiritu. 18 Lumayo sa sekswal na imoralidad! "Ang ibang kasalanan na nagagawa ng tao ay labas sa katawan," ngunit ang mahalay na tao ay nagkakasala laban sa kaniyang sariling katawan. 19 Hindi ba ninyo alam na ang inyong katawan ay templo ng Banal na Espiritu, na siyang namumuhay sa inyo, na inyong tinanggap mula sa Diyos? Hindi ba ninyo alam na hindi na ninyo pag-aari ang inyong sarili? 20 Sapagkat binili na kayo sa isang halaga. Kaya, luwalhatiin ninyo ang Diyos sa pamamagitan ng inyong katawan.

Chapter 7

1 Ngayon tungkol sa mga bagay na isinulat ninyo sa akin: May mga panahon na nakakabuti sa isang lalaki na huwag sumiping sa babae. 2 Ngunit dahil sa mga tukso ng mga mahalay na gawain, bawat lalaki ay dapat magkaroon ng sariling asawang babae at ang bawat babae ay dapat magkaroon din ng sariling asawang lalaki. 3 Dapat ibigay ng asawang lalaki sa kaniyang asawa ang pang mag-asawang karapatan at ganoon din ang asawang babae sa kaniyang asawang lalaki. 4 Hindi ang babae ang may kapamahalaan sa kaniyang sariling katawan, kundi ang kaniyang asawang lalaki. At ganoon din, ang lalake hindi siya ang may kapamahalaan sa kaniyang sariling katawan, kundi ang kaniyang asawang babae. 5 Huwag ninyong ipagkait sa isa't- isa ang pagsisiping, maliban sa napagkasunduan at sa isang takdang panahon. Gawin ninyo ito upang maitatalaga ang inyong mga sarili sa pananalangin. Pagkatapos magsama kayong muli upang hindi kayo matukso ni Satanas dahil sa kawalang pagtitimpi. 6 Ngunit sinasabi ko sa inyo ang mga bagay na ito bilang pagsusumamo at hindi bilang isang utos. 7 Nais ko sanang ang bawat isa ay katulad ko. Kaya lang may kaloob ang bawat isa na galing sa Diyos. Ang isa ay may ganitong uri ng kaloob at ang iba ay may ibang kaloob. 8 Sa mga hindi pa nag-aasawa at sa mga babaeng balo sinasabi ko na mas mabuti pa sa kanila na manatiling walang asawa, katulad ko. 9 Ngunit kung hindi na nila kayang pigilan ang kanilang mga sarili, sila ay dapat ng mag- asawa. Dahil mas mabuti na sila ay mag-asawa kaysa mag-alab sa pita ng damdamin. 10 Ngayon sa mga may asawa ibinibigay ko ang utos na ito--hindi ako, kundi ang Panginoon: "Ang babae ay hindi dapat humiwalay sa kaniyang asawa". 11 Ngunit kung siya ay hihiwalay sa kaniyang asawa, dapat na manatili siyang walang asawa o kaya ay makipagkasundo sa kaniya. At "ang lalaki ay hindi dapat hiwalayan ang kaniyang asawa." 12 Ngunit sa iba ay sinasabi ko--ako, at hindi ang Panginoon--na kung may kapatid na lalaki na may asawang hindi mananampalataya, at kung ang babae ay kuntento naman sa pakikisama sa kaniya, huwag niya itong hihiwalayan. 13 Kung ang babae ay may asawang hindi mananampalataya at kung ang lalake ay kuntento naman sa pakikisama sa kaniya, huwag niya itong hihiwalayan. 14 Sapagkat ang asawang lalaki na hindi mananampalataya ay naibukod na dahil sa kaniyang mananampalatayang asawa, at ang babae na hindi mananampalataya ay naibukod na rin dahil sa kaniyang asawang mananampalataya. Kung hindi, ang inyong mga anak ay hindi malilinis, ngunit sa katotohanan sila ay naibukod na. 15 Ngunit kung ang hindi Kristiyanong asawa ay humiwalay, hayaan siyang umalis. Sa ganyang mga kalagayan, ang mga kapatid na lalaki at babae ay hindi nakatali sa kanilang mga sumpaan. Tinawag tayo ng Diyos na mamuhay na mapayapa. 16 Sapagkat babae, paano mo nalalaman kung maililigtas mo ang iyong asawa? O lalaki, paano mo nalalaman kung maliligtas mo ang iyong asawa? 17 Hayaan na lamang na ang bawat isa ay mamuhay sa buhay na itinalaga ng Panginoon sa kanila, gaya ng pagkatawag ng Diyos sa bawat isa. Ito ang aking panuntunan sa lahat ng iglesia. 18 Mayroon bang natuli ng siya ay tawagin upang sumampalataya? hindi niya dapat alisin ang mga tanda ng kaniyang pagkakatuli. Mayroon bang hindi natuli ng siya ay tawagin sa pananampalataya? Hindi siya dapat magpatuli. 19 Sapagkat hindi ang tuli o ang hindi tuli ang mahalaga. Ang mahalaga ay ang pagsunod sa mga kautusan ng Diyos. 20 Dapat manatili ang bawat isa sa pagkakatawag kung ano siya noon ng tawagin siya ng Diyos upang sumampalataya. 21 Kayo ba ay alipin ng tawagin ng Diyos? Huwag ng alalahanin ang tungkol dito. Ngunit kung ikaw ay maaaring maging malaya, gawin mo ito. 22 Sapagkat sinumang tinawag ng Panginoon bilang isang alipin ay malayang tao ng Panginoon. Gayundin sa bawat isa na malaya nang tawagin siya ng Panginoon upang sumampalataya ay alipin ni Cristo. 23 Kayo ay nabili ng may halaga kaya huwag na kayong magpa-alipin sa mga tao. 24 Mga kapatid, anumang buhay ng bawat isa sa atin nang tayo ay tinawag upang sumampalataya ay manatili tayo sa ganyang buhay. 25 Ngayon tungkol sa mga hindi nag-aasawa, ako ay walang kautusan galing sa Panginoon. Ngunit ako ay may iminumungkahi sa inyo bilang mapagkatiwalaan ng dahil sa awa ng Panginoon. 26 Dahil dito, naisip ko na dahil sa kagipitan sa kasalukuyan, mas mabuti pa sa isang lalaki na manatili sa kalagayan niya. 27 Ikaw ba ay naipagkasundo na sa isang babae sa sumpaan ng pag-aasawa? Huwag mo ng hanapin pang makalaya mula dito. Ikaw ba ay malaya na walang asawa o wala ka pang asawa? Huwag ka ng maghanap pa ng mapapangasawang babae. 28 Nguni't kung ikaw ay mag-aasawa, hindi ka nagkakasala. At kung ang isang babae na wala pang asawa ay mag-aasawa, hindi siya nagkakasala. At sa kanila na mga nagsisipag-asawa maraming mga pagsubok na iba't ibang nararanasan habang nabubuhay at gusto kong maligtas kayo mula sa mga ito. 29 Ngunit ito ang aking sinasabi mga kapatid na lalaki at babae: Maiksi na ang panahon. Mula ngayon, ang sinumang may asawang babae ay mamuhay na parang walang asawa. 30 At sa mga tumatangis ay dapat kumilos na parang hindi tumatangis at sa nagsasaya na parang hindi nagsasaya at sa mga namimili ng anumang bagay ay parang walang pag-aari. 31 At sa mga nakikisama sa mundong ito ay dapat silang kumilos na parang walang pakikisama sa mundong ito, sapagkat ang pamamalakad ng mundong ito ay magtatapos na. 32 Gusto ko na kayo ay maging malaya sa mga alalahanin. Ang mga lalaking walang asawa ay alalahanin ang mga tungkol sa Panginoon, kung paano Siya paluguran. 33 Ngunit ang may asawang lalaki ay inaalala niya ang mga bagay ng mundo upang mapasaya ang kaniyang asawa, 34 ang kaniyang kaisipan ay nahahati. Ang isang babae na wala pang asawa o dalaga pa ay inaalala ang mga tungkol sa Panginoon, kung paano niya italaga ang katawan at espiritu. Ngunit ang babaeng may asawa ay inaalala niya ang mga bagay sa mundong ito, kung paano niya mapasaya ang kaniyang asawa. 35 Aking sinasabi ito para sa inyong pakinabang, hindi upang hadlangan kayo. Aking sinasabi ito kung ano ang dapat, sa gayon kayo ay maging masigasig sa Panginoon na walang anumang abala. 36 Ngunit kung sinuman ay nag-iisip na dahil sa labis na simbuyo ng damdamin hindi na niya napakikitunguhan na may paggalang ang kaniyang magiging asawa, ay pakasalan na niya ang babae dahil iyan ang nais niya. Ito ay hindi kasalanan. 37 Ngunit kung ang lalaki ay gumawa ng isang pagpapasya na hindi muna mag-asawa, at walang diwa ng pagmamadali, at kung napipigilan pa niya ang kaniyang nararamdaman, mabuti ang naisin niya kung hindi muna siya mag- asawa. 38 Kaya sinuman ang magnanais na magpakasal sa kaniyang magiging asawa ay mabuti naman, at sa isa na pumili na hindi na siya mag-asawa ay mas lalong mainam. 39 Ang isang babae ay natatalian sa kaniyang asawa habang siya ay nabubuhay. Ngunit kung ang asawang lalaki ay mamatay, siya ay malayang mag- asawa sa sinuman naisin niya, ngunit sa Panginoon lamang. 40 Ngunit sa aking paghatol siya ay mas magiging masaya kung mananatili siya sa kaniyang kalagayan. At iniisip ko na ako rin ay may Espiritu ng Diyos.

Chapter 8

1 Ngayon tungkol sa pagkain na inialay sa mga diyus-diyosan: Alam natin na "tayong lahat ay may kaalaman". Ang kaalaman ay nakapagpapalalo ngunit ang pag-ibig ang nagpapatibay. 2 Kung mayroon mang nag-iisip na siya ay may nalalamang isang bagay, ang taong iyan ay wala pa talagang nalalaman gaya ng kaniyang dapat na malaman. 3 Ngunit ang sinumang umiibig sa Diyos, ang taong iyan ay nakikilala niya. 4 Kaya tungkol sa mga pagkaing inialay sa mga diyus-diyosan: Alam natin na "ang diyus-diyosan sa mundong ito ay walang kabuluhan" at "walang Diyos liban sa iisa." 5 Sapagkat marami ang tinatawag na mga diyus-diyosan sa langit o sa lupa, gaya ng marami ang mga "diyus-diyosan at mga panginoon". 6 "Ngunit sa atin ay may iisang Diyos Ama, na mula sa kaniya ang lahat ng mga bagay at siyang dahilan kaya tayo ay nabubuhay, at may isang Panginoong Jesu-Cristo, na sa pamamagitan niya ang lahat ng bagay ay umiiral at na sa pamamagitan niya tayo ay umiiral." 7 Gayunman, ang kaalamang ito ay wala sa bawat isa. Sa halip, kinaugalian na ng iba noong mga nakaraan ang pagsamba sa mga diyus-diyosan at kumain sila ng pagkaing ito na tila naialay sa diyus-diyosan. Napasama ang kanilang budhi dahil ito ay mahina. 8 Ngunit hindi pagkain ang nagmumungkahi sa atin sa Diyos. Hindi tayo malala kung hindi tayo kakain, ni mas mabuti kung tayo ay kakain. 9 Ngunit pag-ingatan na ang iyong kalayaan ay huwag maging sanhi na matisod ang isang tao na mahina sa pananampalataya. 10 Sapagkat kung ipagpapalagay na mayroong nakakakita sa iyo na may kaalaman, na kumain ka ng pagkain sa isang templo ng diyus-diyosan. Hindi ba mapalalakas ang kaniyang mahinang budhi na kumain ng naialay sa mga diyus-diyosan? 11 Kaya dahil sa iyong pang-unawa tungkol sa totoong kalikasan ng mga diyus-diyosan, ang mga mahihinang kapatid na siyang dahilan kung bakit namatay si Cristo ay napupuksa. 12 Kaya nga kung ikaw ay nagkasala sa iyong mga kapatid at nasugatan ang kanilang mga mahihinang budhi, ikaw ay nagkasala kay Cristo. 13 Kaya nga, kung pagkain ang magiging sanhi na matisod ang aking mga kapatid, hindi na ako kailanman kakain ng karne upang hindi ako maging sanhi ng pagbagsak ng aking mga kapatid.

Chapter 9

1 Hindi ba ako malaya? Hindi ba ako isang apostol? Hindi ko ba nakita si Jesus, ang ating Panginoon? Hindi ba't kayo ang aking mga gawa sa Panginoon? 2 Kung hindi ako apostol sa iba, gayunman, apostol naman ako sa inyo. Sapagkat kayo ang patunay ng aking pagka-apostol sa Panginoon. 3 Ito ang aking pagtatanggol sa mga sumusuri sa akin. 4 Wala ba kaming karapatang kumain at uminom? 5 Wala ba kaming karapatan na isama ang aming mga asawa na isang mananampalataya, gaya ng ginagawa ng ibang mga apostol, at ng mga kapatid ng Panginoon, at ni Cefas? 6 O kami lamang ba ni Bernabe ang dapat magtrabaho? 7 Sino ang naglilingkod bilang isang kawal sa sarili niyang gastos? Sino ang nagtatanim sa ubasan at hindi kumakain ng bunga nito? O sino ang nag-aalaga ng kawan at hindi umiinom ng gatas mula sa mga ito? 8 Sinasabi ko ba ang mga bagay na ito batay sa makataong kapangyarihan? Hindi ba sinabi din ito ng batas? 9 Sapagkat nasusulat sa kautusan ni Moises, "Huwag mong bubusalan ang baka habang gumigiik ng butil." Ang baka nga ba talaga ang pinahahalagahan ng Diyos? 10 Hindi ba siya nagsasalita tungkol sa amin? Naisulat ito para sa amin, sapagkat ang siyang nag-aararo ay nag-aararo sa pag-asa at ang gumigiik ay kailangang gumiik na umaasa na makikibahagi sa ani. 11 Kung naghasik kami ng mga espirituwal na bagay sa inyo, kalabisan ba sa amin na umani ng mga materyal na bagay mula sa inyo? 12 Kung ginagawa ng iba ang karapatang ito mula sa inyo, hindi ba mas lalo na kami? Gayunman, hindi namin inangkin ang karapatang ito. Sa halip, tiniis namin ang lahat kaysa maging hadlang sa ebanghelyo ni Cristo. 13 Hindi ba ninyo alam na ang mga naglilingkod sa templo ay kumukuha ng pagkain mula sa templo? Hindi ba ninyo alam na ang mga naglilingkod sa altar ay nakikibahagi sa kung ano ang naihandog sa altar? 14 Sa ganoon ding paraan, iniutos ng Panginoon na ang mga nagpapahayag ng ebanghelyo ay dapat kunin ang kanilang kabuhayan mula sa ebanghelyo. 15 Ngunit hindi ko inangkin ang kahit anuman sa mga karapatang ito. At hindi ako nagsusulat upang maganap ito sa akin. Mas gugustuhin ko pa ang mamatay kaysa bawian ako ng sinuman ng maipagmamalaki. 16 Sapagkat kung ipinangangaral ko ang ebanghelyo, wala akong dahilan para magmayabang dahil dapat ko itong gawin. At kaawa-awa ako kung hindi ko ipangangaral ang ebanghelyo! 17 Sapagkat kung gagawin ko ito ng maluwag sa kalooban, may gantimpala ako. Ngunit kung hindi maluwag sa kalooban, may responsibilidad pa rin ako sa ipinagkatiwala sa akin. 18 At ano ang aking gantimpala? Na kung ako ay nangangaral, maiaalok ko ang ebanghelyo nang walang bayad at hindi ko lubos na gagamitin ang aking karapatan sa ebanghelyo. 19 Sapagkat kahit malaya ako sa lahat, naging alipin ako sa lahat upang makahikayat pa ako ng mas marami. 20 Sa mga Judio, naging katulad ako ng isang Judio upang makahikayat ng mga Judio. Sa mga nasa ilalim ng kautuan, naging katulad ako ng isang nasa ilalim ng batas upang makahikayat ng mga nasa ilalim ng batas. Ginawa ko ito kahit na wala ako sa ilalim ng batas. 21 Sa mga nasa labas ng kautusan, naging katulad ako ng nasa labas ng kautusan, kahit na ako mismo ay wala sa labas ng kautusan ng Diyos ngunit sa ilalim ng kautusan ni Cristo. Ginawa ko ito upang aking mahikayat ang mga nasa labas ng kautusan. 22 Sa mga mahihina ako ay naging mahina, upang aking mahikayat ang mga mahihina. Naging kagaya ako ng lahat ng mga bagay upang sa lahat ng paraan ay maligtas ko ang ilan. 23 Ginawa ko ang lahat ng bagay para sa kapakanan ng ebanghelyo, upang makalahok ako sa lahat ng pagpapala nito. 24 Hindi ba ninyo alam na sa isang takbuhan, ang lahat ng mananakbo ay tumatakbo, ngunit iisa lamang ang makatatanggap ng gantimpala? Kaya tumakbo ka upang makamit ang gantimpala. 25 Ginagawa ng manlalaro ang pagpipigil sa sarili sa lahat ng kaniyang pagsasanay. Ginagawa nila ito upang makatanggap ng koronang nasisira, ngunit tumatakbo tayo upang makatanggap ng koronang hindi nasisira. 26 Samakatwid hindi ako tumatakbo ng walang layunin o sumusuntok sa hangin. 27 Ngunit sinusupil ko ang aking katawan at ginagawa itong alipin upang pagkatapos kong mangaral sa iba ay hindi ako maalisan ng karapatan.

Chapter 10

1 Gusto kong malaman ninyo, mga kapatid, na ang ating mga ninuno ay napasailalim sa ulap at tumawid silang lahat sa dagat. 2 Lahat ay nabautismuhan kay Moises sa ulap at sa dagat, 3 at lahat ay kumain ng parehong espiritwal na pagkain. 4 Lahat ay nakainom ng parehong espirituwal na inumin. Sapagkat sila ay nakainom mula sa parehong espirituwal na bato na sumunod sa kanila, at ang batong ito ay si Cristo. 5 Ngunit hindi lubusang nalugod ang Diyos sa karamihan sa kanila, at ang kanilang mga bangkay ay nagkalat sa ilang. 6 Ngayon ang mga bagay na ito ay mga halimbawa para sa atin, upang tayo ay hindi manabik sa mga masasamang bagay na gaya ng kanilang ginawa. 7 Huwag kayong maging mapagsamba sa mga diyus-diyosan, na tulad ng ilan sa kanila. Ito ay gaya ng nasusulat, "Ang mga tao ay umupo upang kumain at uminom, at tumayo upang sumayaw ng may sekswal na pagnanasa." 8 Huwag tayong gumawa ng sekswal na imoralidad, na gaya ng ginawa ng karamihan sa kanila. Dalawampu't tatlong libo ang namatay sa isang araw dahil dito. 9 Ni susubukin natin si Cristo, gaya ng ginawa ng karamihan sa kanila at pinatay sila sa pamamagitan ng mga ahas. 10 Gayon din huwag kayong magreklamo na katulad ng ginawa ng karamihan sa kanila, at pinatay sa pamamagitan ng isang anghel nang kamatayan. 11 Ngayon nangyari ang mga ito sa kanila upang maging halimbawa para sa atin. Ito ay mga alituntunin na naisulat-para sa atin sa mga huling panahon. 12 Samakatuwid ang sinumang nag-aakalang nakatayo ay dapat mag-ingat na hindi siya babagsak. 13 Walang tukso ang dumating sa inyo na hindi pangkaraniwan sa lahat ng tao. Sa halip, tapat ang Diyos. Hindi kayo hahayaan ng Diyos na matukso ng higit sa inyong kakayanan. Sa pamamagitan ng tukso ay siya din ang magbibigay ng paraan para makatakas, upang inyo ngang makayanan ang mga ito. 14 Samakatuwid, aking mga minamahal, lumayo kayo sa pagsamba ng diyus-diyosan. 15 Kinakausap ko kayo bilang mga maalalahaning tao, upang inyo ngang hatulan kung ano ang aking sinasabi. 16 Ang tasa ng biyaya na ating pinagpala, hindi ba't ito ang pakikibahagi ng dugo ni Cristo? Ang tinapay na ating pinagpira-piraso, hindi ba't ito ang pakikibahagi ng katawan ni Cristo? 17 Sapagkat mayroong iisang tinapay, tayo na marami ay iisang katawan. Magsalu-salo tayong lahat sa iisang tinapay. 18 Tingnan ninyo ang mga tao ng Israel: hindi ba't ang mga kumakain ng mga handog ay kabilang sa altar? 19 Ano nga ba ang aking sinasabi dito? Na ang diyus-diyosan ay may kabuluhan? O ang pagkain na naialay sa diyus-diyosan ay may kabuluhan? 20 Ngunit ang sinasabi ko ay tungkol sa mga bagay na handog ng mga paganong Hentil, na kanilang inihahandog ang mga bagay na ito sa mga demonyo at hindi sa Diyos. Ayaw ko kayong maging kabahagi ng mga demonyo! 21 Hindi kayo maaring uminom sa tasa ng Panginoon at sa tasa ng demonyo. Hindi kayo maaaring makisalo sa mesa ng Panginoon at sa mesa ng mga demonyo. 22 O galitin ba natin ang Panginoon upang manibugho? Tayo ba ay mas malakas kaysa sa kaniya? 23 Ang lahat ay pinapahintulutan ng batas, ngunit hindi lahat ay kapakipakinabang. Ang lahat ay pinapahintulutan ng batas," ngunit hindi lahat ay makakapagpatibay sa tao. 24 Walang sinuman ang dapat na maghahanap sa sarili niyang kabutihan. Sa halip, hanapin ng bawat isa ang ikabubuti ng kaniyang kapwa. 25 Maaari niyong kainin ang lahat ng nabibili sa pamilihan, na walang katanungan sa budhi. 26 Sapagkat "Ang mundo ay sa Diyos at ang kabuuan nito." 27 Kung ang isang hindi mananampalataya ay inanyayahan kayong kumain, at gusto ninyong pumunta, kainin ninyo ang anumang inihanda sa inyong harapan na walang katanungan sa budhi. 28 Ngunit kung ang isang tao ay nagsabi sa inyo, "Ang pagkain na ito ay mula sa handog ng pagano," huwag ninyong kainin. Ito ay para sa kapakanan ng isang nagsabi sa inyo, at para sa kapakanan ng budhi. 29 Hindi ko tinutukoy ang inyong sariling budhi kundi ang budhi ng ibang tao. Sapagkat bakit hinuhusgahan ang aking kalayaan sa pamamagitan ng ibang budhi? 30 Kung kakain ako ng pagkain ng may pasasalamat, bakit ako iinsultuhin sa pinagpasalamatan ko? 31 Samakatwid, kumakain o umiinom man kayo, o anuman ang inyong ginagawa, gawin ninyo ito sa kaluwalhatian ng Diyos. 32 Huwag kayong maging sanhi ng ikagagalit ng mga Judio at mga Griyego, o sa iglesia ng Diyos. 33 Subukan ninyo na gaya ko na nagbibigay lugod ako sa mga tao sa lahat ng bagay. Hindi ko hinanap ang aking kapakinabangan, kundi sa karamihan. Ginagawa ko ito upang sila ay maligtas.

Chapter 11

1 Tularan ninyo ako, gaya ng pagtulad ko kay Cristo. 2 Ngayon pinupuri ko kayo dahil naalala ninyo ako sa lahat ng bagay. Pinupuri ko kayo dahil pinanghawakan ninyo ng mahigpit ang mga tradisyong gaya ng pagturo ko sa inyo. 3 Ngayon, gusto kong maintindihan ninyo na si Cristo ang ulo ng bawat lalaki, at ang lalaki ang ulo ng babae, at ang Diyos ang ulo ni Cristo. 4 Sinumang lalaki ang mananalangin at magpapahayag ng propesiya na may takip ang kaniyang ulo ay hindi niya ginagalang ang kaniyang ulo. 5 Ngunit hindi ginagalang ng sinumang babae ang kaniyang ulo kapag nananalangin at nagpapahayag ng propesiya nang walang takip ang kaniyang ulo. Sapagkat iisa at parehong bagay na parang ang kaniyang ulo ay inahitan. 6 Sapagkat kung hindi magtatakip ng kaniyang ulo ang babae, dapat niyang gupitan ang kaniyang buhok ng maiksi. Kung kahihiyan ito sa isang babae na magpagupit ng maiksi o magpaahit ng kaniyang ulo, takpan niya ang kaniyang ulo. 7 Sapagkat hindi dapat magtakip ng kaniyang ulo ang lalaki, dahil siya ang larawan at kaluwalhatian ng Diyos. Ngunit ang babae ang kaluwalhatian ng lalaki. 8 Sapagkat hindi ginawa ang lalaki mula sa babae. Sa halip, ang babae ang ginawa mula sa lalaki. 9 Sapagkat, hindi rin nilikha ang lalaki para sa babae, kundi nilikha ang babae para sa lalaki. 10 Ito ang dahilan kung bakit ang babae ay dapat magkaroon ng tanda ng kapamahalaan sa kaniyang ulo, dahil sa mga anghel. 11 Gayon pa man, sa Panginoon, hindi malaya ang babae sa lalaki, ni hindi rin malaya ang lalaki sa babae. 12 Sapagkat nagmula sa lalaki ang babae, gayon din ang lalaki ay nagmula sa babae. At nagmula sa Diyos ang lahat ng bagay. 13 Kayo na ang humatol: Angkop ba ito sa isang babae na manalangin sa Diyos nang walang takip ang kaniyang ulo? 14 Hindi ba't kahit ang kalikasan mismo ay tinuturuan kayo na kapag may mahabang buhok ang lalaki, kahihiyan ito sa kaniya? 15 Hindi ba't tinuturo din ng kalikasan sa inyo na kapag may mahabang buhok ang babae, ito ay kaniyang kaluwalhatian? Sapagkat ibinigay sa kaniya ang kaniyang buhok bilang pantakip. 16 Ngunit, kung may sinumang gustong makipagtalo sa bagay na ito, wala kaming ibang kaugalian, gayon din ang mga iglesiya ng Diyos. 17 Sa mga sumusunod na mga tagubilin, hindi ko kayo pupurihin. Sapagkat kung kayo ay nagtitipun-tipon, hindi ito para sa ikabubuti subalit sa ikasasama. 18 Sapagkat sa simula pa lang, narinig kong kapag kayo ay nagtitipun-tipon sa iglesiya, ay may mga pagkakabaha-bahagi sa inyo, at bahagya ako ay naniniwala. 19 Sapagkat dapat may mga pangkat rin kayo, upang makilala sa inyong kalagitnaan ang mga karapat-dapat. 20 Sapagkat kung kayo ay nagtitipun-tipon, hindi ang Banal na Hapunan ng Panginoon ang inyong pinagsasaluhan. 21 Kapag kumakain kayo, kinakain ng bawat isa ang kaniyang sariling pagkain bago kumain ang iba. Ang iba ay nagugutom, at ang iba ay nalalasing na. 22 Wala ba kayong mga bahay upang doon kayo kumain at uminom? Hinahamak ba ninyo ang iglesiya ng Diyos at ibinababa ang mga walang-wala? Ano ang kailangan kong sabihin sa inyo? Pupurihin ko ba kayo? Hindi ko kayo pupurihin para dito! 23 Sapagkat tinanggap ko mula sa Panginoon ang ibinibigay ko sa inyo na ang Panginoong Jesus, sa gabing siya ay ipagkanulo, humuha ng tinapay. 24 Pagkatapos niyang magpasalamat, pinagpira-piraso niya ito at sinabi: "Ito ang aking katawan, na para sa inyo. Gawin ninyo ito upang alalahanin ako." 25 Sa ganoon ding paraan, matapos ang Hapunan, kinuha niya ang tasa at kaniyang sinabi, "Ito ang tasa ng bagong tipan sa aking dugo. Gawin ninyo itong madalas na pag-inom, upang alalahanin ako." 26 Sapagkat sa tuwing kumakain kayo ng tinapay na ito at umiinom sa tasang ito, ipinahahayag ninyo ang kamatayan ng Panginoon hanggang sa kaniyang pagbabalik. 27 Sinuman ang kakain ng tinapay o iinom sa tasa ng Panginoon sa hindi karapat-dapat na pamamaraan, magkakasala siya sa katawan at sa dugo ng Panginoon. 28 Siyasatin muna ng isang tao ang kaniyang sarili, at sa paraang ito hayaan siyang kumain ng tinapay at uminom sa kopa. 29 Sapagkat ang sinumang kumakain at umiinom nang hindi kinikilala ang katawan, ay kumakain at umiinom ng hatol sa kaniyang sarili. 30 Iyan ang dahilan kung bakit marami ang may karamdaman at may sakit sa inyo, at ang ilan sa inyo ay namatay na. 31 Ngunit kung sinisiyasat natin ang ating mga sarili hindi tayo mahahatulan. 32 Ngunit kapag hinatulan tayo ng Panginoon, dinisiplina tayo, upang hindi na tayo mahatulan pa kasama ang mundo. 33 Kaya, mga kapatid, kung nagtitipun-tipon kayo upang kumain, hintayin ninyo ang isa't isa. 34 Kung sinuman ang nagugutom, kumain siya sa tahanan, nang sa gayon, kapag nagtitipun-tipon kayo, hindi ito para sa kahatulan. At tungkol sa ibang mga bagay na inyong isinulat, bibigyan ko kayo ng mga panuto kapag dumating ako diyan.

Chapter 12

1 Patungkol sa mga kaloob ng espiritu, mga kapatid, ayaw kong hindi ninyo malaman. 2 Alam naman ninyo na noong kayo ay mga pagano pa, naligaw kayo sa mga diyus-diyosang hindi nagsasalita at kahit sa anong paraan ay naakay kayo ng mga ito. 3 Kaya nga gusto kong malaman ninyo na walang sinuman ang nagsasalita sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos na magsasabi, "Isinumpa si Jesus." Wala ring magsasabi, "Si Jesus ay Panginoon," maliban sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. 4 Ngayon ay may iba't ibang mga kaloob, ngunit iisang Espiritu. 5 At may iba't ibang mga ministeryo ngunit parehong Panginoon. 6 At may iba't ibang uri ng mga gawain ngunit iisa ang Diyos na gumagawa upang mangyari ito sa bawat isa. 7 Ngayon naibigay sa bawat isa ang panlabas na paghahayag ng Espiritu na kapaki-pakinabang sa lahat. 8 Sapagkat nabigyan ang iba ng Espiritu na makapagsalita ng karunungan, at sa iba ay makapagsalita ng may kaalaman sa pamamagitan ng iisang Espiritu. 9 Sa iba naman ay binibigay niya ang pananampalataya sa pamamagitan ng iisang Espiritu at sa iba naman ay kaloob na magpagaling sa pamamagitan ng iisang Espiritu. 10 Binibigay niya sa iba ang paggawa ng may kapangyarihan, at propesiya sa iba. Binibigay niya sa iba ang kakayahang masuri ang mga espiritu, sa iba ay iba't ibang uri ng mga wika at sa iba ay pagbibigay-kahulugan ng mga wika. 11 Ngunit iisang Espiritu ang gumagawa sa lahat ng mga ito, binibigay ang mga kaloob sa bawat isa, ayon sa pinili niya. 12 Sapagkat ang katawan ay isa at mayroong maraming bahagi at lahat ng bahagi ay nasa iisang katawan, at kay Cristo ito. 13 Sapagkat nabautismuhan tayo sa isang Espiritu sa iisang katawan, maging mga Judio o mga Griego man, maging nakagapos o malaya, at pinainom ang lahat sa iisang Espiritu. 14 Sapagkat hindi iisang bahagi ang katawan kundi marami. 15 Kung sasabihin ng paa, "Yamang hindi naman ako kamay, hindi ako bahagi ng katawan," hindi na nga ba ito bahagi ng katawan. 16 At kung sasabihin ng tainga, "Yamang hindi naman ako mata, hindi na ako bahagi ng katawan", hindi na nga ba ito bahagi ng katawan. 17 Kung ang buong katawan ay mata, nasaan ang pakiramdam nang pandinig? Kung ang buong katawan ay tainga, nasaan ang pakiramdam nang pang-amoy? 18 Ngunit isinaayos ng Diyos ang bawat bahagi ng katawan sa kaniyang pagkahugis nito. 19 At kung silang lahat ay pawang iisang bahagi, nasaan na ang katawan? 20 Kaya ngayon sila ay maraming mga bahagi, ngunit iisang katawan. 21 Hindi sasabihin ng mata sa kamay, "Hindi kita kailangan." Ni sasabihin ng ulo sa paa, "Hindi kita kailangan.". 22 Ngunit ang mga bahagi ng katawan na parang hindi masyadong marangal ay mahalaga. 23 At ang mga bahagi ng katawan na iniisip nating hindi masyadong marangal ay binibigyan natin ng mas malaking karangalan, at ang ating mga bahagi na inaakala nating hindi maganda ay mayroong higit na karangalan. 24 Ngayon, ang ating mga magandang bahagi ay hindi kailangang ituring ng may karangalan sapagkat mayroon na silang halaga. Ngunit pinagsama-sama ng Diyos ang lahat ng bahagi at binigyan niya ng higit na karangalan ang mga nagkukulang nito. 25 Ginawa niya ito upang walang maging pagkakabaha-bahagi sa loob ng katawan, ngunit upang pangalagaan ng mga bahagi ang bawat isa na may parehong pagmamahal. 26 At kung ang isang bahagi ay nagdurusa, ang lahat ng mga bahagi ay sama-samang magdurusa. O kung ang isa namang bahagi ay naparangalan, ang lahat ng bahagi ay sama-samang magsasaya. 27 Ngayon, kayo ang katawan ni Cristo at ang bawat isa ay bahagi nito. 28 At hinirang ng Diyos sa iglesya, una ay ang mga apostol, pangalawa ay mga propeta, pangatlo ay mga guro, ang mga gumagawa ng mga makapangyarihang gawa, mga kaloob ng pagpapagaling, mga nagbibigay ng tulong, mga gumagawa sa gawain ng pamamahala, at ang mga may iba't ibang uri ng wika. 29 Tayong lahat ba ay mga apostol? Tayong lahat ba ay mga propeta? Tayong lahat ba ay mga guro? Tayong lahat ba ay gumagawa ng mga makapangyarihang gawa? 30 May mga kaloob ba tayong lahat ng pagpapagaling? Nagsasalita ba tayong lahat sa iba't ibang wika? Nagpapaliwanag ba tayong lahat ng mga iba't ibang wika? 31 Masigasig ninyong hanapin ang mas higit na mga kaloob. At ipapakita ko sa inyo ang napakahusay na paraan.

Chapter 13

1 Ipagpalagay na nakapagsasalita ako ng mga wika ng mga tao at ng mga anghel. Ngunit kung wala akong pag-ibig, ako ay gaya lang ng isang batingaw na maingay o ng isang pompiyang na umaalingawngaw. 2 Ipagpalagay na mayroon akong kaloob ng propesiya at nauunawaan ang lahat ng lihim na katotohanan at kaalaman, at mayroon ako ng lahat ng pananampalataya sa ganoon ay napapalipat ko ang mga bundok. Ngunit kung ako ay walang pag-ibig, ako ay walang kabuluhan. 3 At ipagpalagay na naibibigay ko ang lahat ng nasa akin upang maipakain sa mga mahihirap, at ibigay ko ang aking katawan upang sunugin. Ngunit kung wala akong pag-ibig, ako ay walang pakinabang. 4 Ang pag-ibig ay mapagpasensya at magandang loob. Ang pag-ibig ay hindi naiinggit o nagyayabang. Hindi mapagmataas, 5 o hindi marahas. Hindi makasarili, hindi madaling magalit, ni nagkikimkim ng bilang na mga kamalian. 6 Hindi nagsasaya sa kalikuan. Sa halip, nagsasaya sa katotohanan. 7 Ang pag-ibig ay kinakaya ang lahat ng mga bagay, pinaniniwalaan ang lahat, at nagtitiwala sa lahat ng mga bagay, at tinitiis ang lahat ng mga bagay. 8 Ang pag-ibig ay hindi nagwawakas. Kung mayroon mang mga propesiya, ang mga ito ay lilipas. Kung mayroon mang pagsasalita ng wika, ang mga ito ay hihinto, at kung may kaalaman ito ay lilipas. 9 Sapagkat nalalaman natin ng bahagya at nakapagpapahayag din tayo ng ng propesiya ng bahagya. 10 Ngunit kapag ang kaganapan ay dumating na, ang alin mang hindi ganap ay lilipas. 11 Noong ako ay bata pa, ang salita ko ay tulad ng isang bata. Ang isip ko ay tulad ng isang bata, nagdadahilan ako na tulad ng isang bata. Ngunit ng ako ay nasa hustong gulang na, iniwan ko na ang mga bagay ng pagiging isip-bata. 12 Sa ngayon ang nakikita natin sa salamin ay tila madilim na larawan, ngunit pagkatapos ay mukhaan na. Ngayon ay nalalaman ko ang bahagya, ngunit sa pang-hinaharap lubusan ko ng malalaman na gaya ng lubos na pagkakilala sa akin. 13 Ngunit ngayon ang tatlong ito ay mananatili, ang pananampalataya, pag-asa sa hinaharap, at pag-ibig. Ngunit ang higit sa lahat ng mga ito ay ang pag-ibig.

Chapter 14

1 Magsumikap na matamo ang pag-ibig at maging masigasig sa mga kaloob ng Espiritu, lalung-lalo na upang maaari kayong makapagpahayag ng propesiya. 2 Sapagkat ang sinumang nagsasalita ng ibang wika ay hindi nakikipag-usap sa mga tao kundi sa Diyos. Sapagkat walang sinuman ang nakakaunawa sa kaniya dahil siya ay nagsasalita ng mga lihim na bagay sa Espiritu. 3 Ngunit ang sinumang nagpapahayag ng propesiya ay nagsasalita sa mga tao upang patibayin sila, upang palakasin ang kanilang loob, at upang sila ay aliwin. 4 Pinalalakas ng sinumang nagsasalita ng ibang wika ang kaniyang sarili, ngunit pinalalakas ng sinumang nagpapahayag ng propesiya ang iglesiya. 5 Ngayon nais kong magsalita kayong lahat sa iba't ibang mga wika. Ngunit mas higit pa riyan, nais kong makapagpapahayag kayo ng propesiya. Higit na dakila ang sinumang nagpapahayag ng propesiya kaysa sa sinumang nagsasalita ng iba't ibang mga wika (maliban kung may magbibigay ng kahulugan), upang mapalakas ang iglesiya. 6 Ngunit ngayon, mga kapatid, kung papariyan ako sa inyo na nagsasalita ng iba't ibang mga wika, paano ako makapagbibigay ng pakinabang sa inyo? Hindi ko kaya, maliban kung magsasalita ako sa inyo nang may pagpapahayag, o kaalaman, o propesiya, o pagtuturo. 7 Kung ang mga instrumento na walang buhay gaya ng plauta o ng alpa ay walang tunog na pagkakakilanlan, paano malalaman ng sinuman kung anong instrumento ang tinutugtog? 8 Sapagkat kung hinihipan ang trumpeta sa hindi tiyak na tunog, paano malalaman ng sinuman kung kailan ang oras para humanda sa pakikipaglaban? 9 Kagaya din ito sa inyo. Kung magwiwika kayo ng salitang hindi naiintindihan, paano mauunawaan ng sinuman ang inyong sinabi? Magsasalita kayo at walang sinuman ang makakaunawa sa inyo. 10 Walang dudang maraming magkakaibang wika sa mundo, at lahat ay may kahulugan. 11 Ngunit kung hindi ko alam ang kahulugan ng wika, magiging dayuhan ako sa tagapagsalita, at magiging dayuhan din sa akin ang tagapagsalita. 12 Gayon din naman sa inyo. Yamang sabik kayo para sa mga pagpapahayag ng Espiritu, maging masigasig upang sumagana sa pagpapalakas ng iglesiya. 13 Kaya kailangang manalangin ang sinumang nagsasalita ng ibang wika na maaari niyang ipaliwanag ito. 14 Sapagkat kung mananalangin ako sa ibang wika, nananalangin din ang aking espiritu, ngunit walang pakinabang ang aking pag-iisip. 15 Ano ang dapat kong gawin? Mananalangin ako sa pamamagitan ng aking espiritu, ngunit mananalangin din ako sa pamamagitan ng aking pag-iisip. Ako ay aawit sa pamamagitan ng aking espiritu, at aawit din ako sa pamamagitan ng aking pag-iisip. 16 O kaya'y pinupuri ninyo ang Diyos sa pamamagitan ng espiritu, paano magsasabi ng "Amen" ang tagalabas kapag kayo ay nagpapasalamat, kung hindi niya alam kung ano ang inyong sinasabi? 17 Sapagkat tiyak na kayo ay nagpasalamat ng sapat, ngunit hindi napalakas ang ibang tao. 18 Nagpapasalamat ako sa Diyos na ako ay nagsasalita ng iba't ibang wika nang higit pa sa inyong lahat. 19 Ngunit sa iglesiya mas gugustuhin kong magsalita ng limang salita sa aking pang-unawa upang turuan ko ang iba, kaysa sampung libong salita sa ibang wika. 20 Mga kapatid, huwag maging mga bata sa inyong pag-iisip. Sa halip, kung tungkol sa kasamaan, maging gaya ng mga sanggol. Ngunit maging ganap sa inyong pag-iisip. 21 Sa kautusan ito ay nasusulat, "Sa pamamagitan ng mga taong may ibang wika at sa pamamagitan ng mga bibig ng mga dayuhan ako ay magsasalita sa mga taong ito. Kahit hindi nila ako pakikinggan," sabi ng Panginoon. 22 Samakatwid ang pagsasalita sa iba't ibang wika ay isang palatandaan, hindi sa mga mananampalataya, kundi sa mga mananampalataya. Ngunit ang pagpapahayag ng ppropesiya ay isang palatandaan, hindi para sa mga hindi mananampalataya kundi sa mga mananampalataya. 23 Samakatuwid, kung ang buong iglesya ay magsasama-sama at magsasalitang lahat ng iba't ibang wika, at may mga tagalabas at hindi manananampalatayang pumasok, hindi ba nila sasabihin na kayo ay nababaliw? 24 Ngunit kung kayong lahat ay nagpapahayag at may isang hindi mananampalataya o tagalabas na pumasok, mahihikayat siya sa pamamagitan ng lahat ng kaniyang maririnig. Masisiyasat siya sa pamamagitan ng lahat ng nasabi. 25 Mailalantad ang mga lihim ng kaniyang puso. Bilang kalalabasan, magpapatirapa siya at sasamba sa Diyos. Kaniyang ihahayag na ang Diyos ay tunay na nasa inyong kalagitnaan. 26 Ano nga ang susunod mga kapatid? Kung magsasama-sama kayo, ang bawat isa ay may salmo, may katuruan, may pahayag, may pagsasalita sa wika, o may pagpapaliwanag. Gawin ninyo ang lahat ng bagay upang mapatatag ang iglesya. 27 Kung mayroon mang nagsasalita sa iba't ibang wika, hayaan na may dalawa o tatlo, at magsalitan ang bawat isa. At dapat na mayroong magpaliwanag sa kung ano ang nasabi. 28 Ngunit kung walang magpapaliwanag, manahimik na lamang ang bawat isa sa iglesya. Hayaang magsalita ang bawat isa sa kaniyang sarili at sa Diyos. 29 Hayaang magsalita ang dalawa o tatlong propeta at ang iba na makinig ng may pagkaalam sa kung ano ang nasabi. 30 Ngunit kung may kaalaman na naibigay sa isa sa mga nakaupo sa pagtitipon, manahimik ang nagsasalita. 31 Sapagkat ang bawat isa sa inyo ay maaring magpahayag ng isa-isa upang matuto ang bawat isa at ang lahat ay mapalakas. 32 Sapagkat ang mga espiritu ng mga propeta ay napapasailalim sa pamamahala ng mga propeta. 33 Sapagkat ang Diyos ay hindi Diyos ng kalituhan kundi ng kapayapaan. Gaya ng lahat ng nasa iglesya ng mga mananampalataya, 34 dapat manahimik ang mga kababaihan sa mga iglesya. Sapagkat hindi sila pinahihintulutang magsalita. Sa halip, dapat silang magpasakop tulad ng sinasabi sa kautusan. 35 Kung mayroon man silang nais matutuhan, hayaan silang magtanong sa kanilang mga asawa sa tahanan. Sapagkat nakakahiya para sa isang babae ang magsalita sa iglesya. 36 Nagmula ba sa inyo ang salita ng Diyos? Kayo lamang ba ang naabot nito? 37 Kung mayroon man ang nag-iisip sa sarili niya na isa siyang propeta o espiritwal, dapat niyang kilalanin na ang mga bagay na isinulat ko sa inyo ay ang mga kautusan ng Panginoon. 38 Ngunit kung may sinumang hindi kumikilala nito, huwag siyang kilalanin. 39 Kaya mga kapatid, masigasig ninyong mithiin ang magpahayag ng propesiya at huwag pagbawalan ang sinuman sa pagsasalita sa iba't ibang mga wika. 40 Ngunit gawin ang lahat na may angkop at kaayusan.

Chapter 15

1 Ngayon aking pina-aalala sa inyo, mga kapatid, ang ebanghelyo na aking ipinangaral sa inyo, na inyong tinanggap at tinatayuan. 2 Sa pamamagitan ng ebanghelyong ito kayo ay naligtas, kung kayo ay hahawak na mabuti sa mga salita na aking ipinangaral sa inyo, maliban lang kung kayo ay naniwala ng walang kabuluhan. 3 Sapagkat binigay ko sa inyo ang pinakamahalaga na aking tinanggap: na si Cristo ay namatay alang-alang sa ating mga kasalanan ayon sa mga kasulatan, 4 na siya ay inilibing, at siya ay nabuhay noong ikatlong araw ayon sa mga kasulatan. 5 At na siya ay nagpakita kay Cefas, at pagkatapos sa Labindalawa. 6 Pagkatapos siya ay nagpakita sa mahigit limandaan na mga kapatid ng paminsan. Karamihan sa kanila ay buhay pa, ngunit ang ilan ay natulog na. 7 At pagkatapos siya ay nagpakita kay Santiago, at sa lahat ng mga apostol. 8 Kahulihulihan sa lahat, siya ay nagpakita sa akin, katulad ng isang sanggol na ipinanganak na hindi pa napapanahon. Sapagkat ako ang pinakahamak sa lahat ng mga apostol. Ako ay hindi karapat-dapat na tawaging apostol, 9 sapagkat inusig ko ang iglesya ng Diyos. 10 Ngunit sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos ako ay naging ako, at ang kaniyang biyaya sa akin ay hindi nawalan ng kabuluhan. Sa halip, ako ay mas nagtrabaho ng higit sa kanila. Ngunit hindi ako iyon, kundi ang biyaya ng Diyos na nasa akin. 11 Kaya kahit na ako o sila man, kami ay nangaral at naniwala kayo. 12 Ngayon kung si Cristo ay naipahayag na nabuhay mula sa mga patay, paanong sinasabi ng ilan sa inyo na walang pagkabuhay muli sa mga patay? 13 Ngunit kung walang pagkabuhay muli sa mga patay, maging si Cristo ay hindi muling nabuhay. 14 At kung si Cristo ay hindi muling nabuhay, ang aming pangangaral ay walang kabuluhan at ang pananampalataya rin ninyo ay walang kabuluhan. 15 At kami ay makikitang hindi tunay na saksi patungkol sa Diyos, sapagkat kami ay nagpatotoo ng laban sa Diyos, sinasabing nabuhay muli si Cristo, ngunit hindi naman. 16 Sapagkat kung ang mga patay ay hindi bubuhayin, kahit si Cristo hindi na rin sana binuhay. 17 At kung hindi nabuhay muli si Cristo, ang inyong pananampalataya ay walang kabuluhan at kayo ay nanatili pa rin sa inyong mga kasalanan. 18 At kung magkaganun ang mga namatay kay Cristo ay napahamak rin. 19 Kung sa buhay lang na ito tayo umaasa para sa pang-hinaharap kay Cristo, sa lahat ng mga tao, tayo na ang pinakakawawa. 20 Ngunit ngayon si Cristo ay binuhay mula sa mga patay, ang unang bunga ng mga namatay na. 21 Sapagkat ang kamatayan ay dumating sa pamamagitan ng isang tao, at sa pamamagitan rin ng isang tao dumating ang pagkabuhay sa mga patay. 22 Sapagkat gaya kay Adan ang lahat ay mamamatay, gaya din kay Cristo ang lahat ay mabubuhay. 23 Ngunit ayon sa pagkakasunod-sunod ng bawat isa: Si Cristo, ang pangunahin sa mga bunga, at pagkatapos ang mga nakabilang kay Cristo ay bubuhaying muli sa kaniyang pagdating. 24 Pagkatapos darating ang wakas, kapag nailipat na ni Cristo ang kaharian sa Diyos Ama. Ito ay kapag kaniyang binuwag na ang lahat ng paghahari at lahat ng kapamahalaan at kapangyarihan. 25 Sapagkat dapat na Siya ay maghari hanggang maipasakop ang lahat ng mga kaaway sa ilalim ng kaniyang mga paa. 26 Ang huling kaaway na sisirain ay ang kamatayan. 27 Sapagkat "inilagay niya ang lahat sa ilalim ng kaniyang mga paa." Ngunit kapag sinasabi, "inilagay niya ang lahat," ito ay maliwanag na hindi kasama ang naglagay ng lahat na ipinasakop sa kaniya. 28 Kapag ang lahat ay naipasakop na sa kaniya, ang Anak mismo ay magpapasakop doon sa nagpailalim ng lahat sa kaniya. Ito ay mangyayari upang ang Diyos Ama ay maging lahat sa lahat. 29 Kung hindi nga, anong gagawin ng mga nabautismuhan para sa mga patay? Kung ang mga patay ay hindi na talaga bubuhayin, bakit nagpapabautismo para sa kanila? 30 At bakit kami ay nanganganib bawat oras? 31 Mga kapatid, sa aking pagmamalaki sa inyo, na kung anong mayroon ako kay Cristo Jesus na ating Panginoon, aking ipinahahayag ito: araw araw ako ay namamatay. 32 Ano ang aking pakinabang, mula sa isang makataong pananaw, kung ako ay nakikipaglaban sa mga mababangis sa Efeso, kung ang mga patay ba ay hindi na bubuhayin? "Kumain na lang tayo at uminom sapagkat kinabukasan tayo ay mamamatay." 33 Huwag kayong padaya: "Ang masasamang kasama ay sumisira ng mabubuting ugali." 34 Magpakahinahon kayo! Mamuhay ng matuwid! Huwag ng magpatuloy na magkasala. Sapagkat ang ilan sa inyo ay walang kaalaman sa Diyos. Sinasabi ko ito upang mahiya kayo. 35 Ngunit may magsasabi, "Paano bubuhayin ang mga patay? At anong klaseng katawan mayroon sila sa pagparito nila?" 36 Kayo ay mga mangmang! Anumang inyong itinanim ay hindi ito lalago maliban sa ito ay mamamatay. 37 At anumang inyong itinanim ay hindi gaya ng puno ng katawang kalalabasan, kundi binhi pa lang. Ito ay maaring trigo o ibang tanim. 38 Ngunit ang Diyos ang magbibigay ng katawan nito ayon sa pagpili niya, at ang bawat binhi ay may sariling katawan. 39 Hindi lahat ng laman ay magkakatulad. Sa halip, mayroong isang laman ang taong mga nilalang, at ibang laman naman para sa mga hayop, at ibang laman naman para sa mga ibon, at iba rin para sa mga isda. 40 Mayroon din namang mga katawang panlangit at mga katawang panlupa. Ngunit ang kaluwalhatian ng katawang panlangit ay natatangi at ang kaluwalhatian ng panlupa ay naiiba. 41 Mayroong iisang kaluwalhatian ang araw, at may ibang kaluwalhatian ang buwan, at may ibang kaluwalhatian ang mga bituin. Sapagkat naiiba ang isang bituin sa kaluwalhatian ng ibang bituin. 42 Kaya gayundin, ang muling pagkabuhay ng mga patay. Ang nailibing ay nasisira at ang muling binuhay ay hindi nasisira. 43 Inilibing ito sa kalapastanganan at binuhay sa kaluwalhatian. Inilibing ito sa kahinaan at naibangon sa kapangyarihan. 44 Inilibing ito sa likas na katawan at binuhay sa espiritwal na katawan. Kung mayroong likas na katawan, mayroon ding espiritwal na katawan. 45 Kaya ito din ay naisulat, "Naging buhay na kaluluwa ang unang tao na si Adan." Naging espiritu na nagbibigay-buhay ang huling Adan. 46 Ngunit hindi unang dumating ang espiritwal kundi ang likas, pagkatapos niyon ay ang espiritwal. 47 Ang unang tao ay sa mundo na gawa sa alabok. Ang pangalawang tao ay mula sa langit. 48 Gaya ng isang taong gawa mula sa alabok, ganoon din ang mga gawa mula sa alabok. Gaya ng taong mula sa langit, ganoon din ang mga taong mula sa langit. 49 Gaya natin na isinilang sa larawan ng tao na mula sa alabok, atin ding madadala ang larawan ng taong mula sa langit. 50 Ngayon sinasabi ko ito, mga kapatid, na ang laman at dugo ay hindi maaring magmana ng kaharian ng Diyos. Ni ang mga nasisira ay hindi magmamana ng hindi nasisira. 51 Tingnan ninyo! Sinasabi ko sa inyo ang lihim na katotohanan: Tayong lahat ay hindi mamamatay ngunit tayong lahat ay mababago. 52 Tayong ay mababago sa isang iglap, sa isang kisap-mata, sa huling trumpeta. Sapagkat tutunog ang trumpeta at babangon ang lahat ng namatay na hindi na nasisira at tayo ay mababago. 53 Sapagkat itong nasisira ay dapat mailagay sa hindi nasisira at ang namamatay na ito ay dapat mailagay sa hindi namamatay. 54 Ngunit kung itong nasisira ay nailagay sa hindi nasisira at ang namamatay na ito ay mailalagay sa hindi namamatay, mangyayari ang tungkol sa kasabihang naisulat, "Nilamon ang kamatayan ng pagtatagumpay." 55 "Kamatayan, nasaan ang iyong tagumpay? Kamatayan, nasaan ang iyong kamandag?" 56 Ang kamandag ng kamatayan ay kasalanan at ang kapangyarihan ng kasalanan ay ang kautusan. 57 Ngunit salamat sa Diyos, na siyang nagbibigay sa atin ng tagumpay sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo! 58 Kaya nga, aking mga minamahal na kapatid, maging matatag kayo at huwag patitinag. Lagi kayong managana sa gawain ng Panginoon, dahil alam ninyong ang inyong gawain sa Panginoon ay hindi mawawalan ng kabuluhan.

Chapter 16

1 Ngayon tungkol sa koleksiyon para sa mga mananampalataya, gaya ng iniutos ko sa mga iglesia sa Galacia, ay inyo ding gawin. 2 Sa unang araw ng linggo, ang bawat isa sa inyo ay magtabi ng anumang bagay at ipunin ninyo, ayon sa inyong makakaya. Gawin ninyo ito upang pagpunta ko diyan ay wala ng kokolektahin. 3 At kung ako ay makarating, ang sinuman ang inyong pahintulutan, ay aking ipapadala na kasama ng mga liham upang dalhin ang inyong mga handog sa Jerusalem. 4 At kung ito ay nararapat para sa akin na pumunta doon, sila'y pupuntang kasama ko. 5 Ngunit ako ay pupunta sa inyo, kapag dumaan ako sa Macedonia. Sapagkat dadaan ako sa Macedonia. 6 Marahil ako ay mananatili na kasama ninyo o kahit magpalipas ako hanggang sa taglamig, upang ako ay inyong matulungan sa aking paglalakbay, saan man ako pumunta. 7 Sapagkat hindi ko nais makita kayo ngayon sa maikling panahon. Ngunit umaasa akong makakagugol ako sa inyo ng mahabang panahon, kung papahintulutan ng Panginoon. 8 Ngunit mananatili ako sa Efeso hanggang sa Pentecostes, 9 sapagkat may isang maluwang na pintuan ang nabuksan para sa akin, at doon ay maraming kaaway. 10 Ngayon kung darating si Timoteo, tingnan ninyo siya na wala siyang dahilang matakot habang kasama ninyo, sapagkat ginagawa niya ang gawain ng Panginoon, na gaya ng aking ginagawa. 11 Huwag hayaang hamakin siya ninuman. Tulungan ninyo siyang maging mapayapa sa kaniyang daan, upang siya ay makapunta sa akin. Sapagkat inaasahan kong pagpunta niya dito kasama niya ang mga kapatid. 12 Ngayon tungkol sa ating kapatid na si Apolos. Matindi kong hinihimok na bisitahin niya kayo na kasama ang mga kapatid. Ngunit nakapagpasiya siyang hindi makakapunta ngayon. Gayunman, siya ay pupunta kapag magkaroon siya ng pagkakataon. 13 Maging mapagmatiyag, at maging matatag sa pananampalataya, kumilos gaya ng mga lalaki, maging malakas. 14 Ang lahat na inyong ginagawa ay gawin sa pag-ibig. 15 Alam ninyo ang sambahayan ni Estefanas. Alam ninyo na sila ang mga unang sumampalataya sa Acaya, at kanilang itinalaga ang kanilang mga sarili sa paglilingkod sa mga mananampalataya. Ngayon, hinihikayat ko kayo, mga kapatid, 16 na magpasakop sa mga taong tulad nila, at sa bawat isa na tumutulong sa gawain at gumagawa kasama namin. 17 At nagagalak ako sa pagdating nina Estefanas, Fortunato at Acaico. Sila ang nagpuno sa inyong kawalan. 18 Sapagkat pinalakas nila ang aking espiritu at pati ang sa inyo. Kaya, kilalanin ninyo ang mga taong kagaya nito. 19 Binabati kayo ng mga iglesiya sa Asya. Binabati rin kayo nina Aquila at Prisca sa Panginoon, kasama ang iglesiya na nasa kanilang tahanan. 20 Binabati kayo ng lahat na mga kapatid. Batiin ninyo ang bawat isa ng banal na halik. 21 Ako, si Pablo, ang nagsulat nito sa aking sariling kamay. 22 Kung sinuman ang hindi umiibig sa Panginoon, sumakaniya ang sumpa. Aming Panginoon, pumarito ka na! 23 Ang biyaya ng Panginoong Jesus ang sumainyo. 24 Ang aking pag-ibig nawa ang sumainyong lahat kay Cristo Jesus.