Tagalog: Tagalog Unlocked Literal Bible

Updated ? hours ago # views See on DCS Draft Material

2 Mga Taga-Tesalonica

Chapter 1

1 Mula kina Pablo, Silas, at Timoteo, para sa iglesya ng mga taga-Tesalonica sa Diyos na ating Ama at sa ating Paginoong Jesu-Cristo. 2 Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaan mula sa Diyos na ating Ama at sa ating Panginoong Jesu-Cristo. 3 Kami ay dapat magpasalamat lagi sa Diyos para sa inyo, mga kapatid. Sapagkat ito ang nararapat, dahil ang inyong pananampalataya ay lumalago, at ang pag-ibig ng bawat isa sa inyo ay nananagana sa isa't isa. 4 Kaya sa aming mga sarili ay pinagmamalaki namin kayo sa mga iglesya ng Diyos. Pinag-uusapan namin ang tungkol sa inyong pagtitiyaga at pananampalataya sa kabila ng mga pag-uusig sa inyo. Pinag-uusapan namin ang tungkol sa mga pagdadalamhiti na inyong tiniis. 5 Ito ay tanda ng matuwid na paghahatol ng Diyos. Ang resulta ay ibibilang kayong karapat-dapat sa kaharian ng Diyos kung saan kayo ay nagdusa. 6 Matuwid para sa Diyos na ibalik ang pagdadalamhati sa mga nagdulot ng dalamhati sa inyo, 7 at kaginhawaan sa inyong mga nagdalamhati na kasama namin. Gagawin niya ito sa pagpapakita ng Panginoong Jesus mula sa langit kasama ng mga anghel ng kaniyang kapangyarihan. 8 Sa naglalagablab na apoy siya ay maghihiganti sa mga hindi kumikilala sa Diyos at sa mga hindi tumugon sa ebanghelyo ng ating Panginoong Jesus. 9 Sila ay daranas ng kaparusahan sa walang hanggang pagkawasak na malayo mula sa presensiya ng Panginoon at mula sa kaluwalhatian ng kaniyang kapangyarihan. 10 Gagawin niya ito sa kaniyang pagbabalik sa araw na iyon para maluwalhati sa pamamagitan ng kaniyang mga tao at para mamangha sa pamamagitan ng lahat na naniwala. Sapagkat ang aming mga patotoo sa inyo ay pinaniwalaan. 11 Dahil dito lagi namin kayong ipapanalangin. Pinapanalangin namin na ibilang kayo ng ating Diyos na karapat-dapat sa inyong pagkatawag. Pinapanalangin namin na tuparin niya ang bawat pagnanais ng kabutihan at bawat gawa ng pananampalataya na may kapangyarihan. 12 Pinapanalangin namin ang mga bagay na ito upang ang pangalan ng ating Panginoong Jesus ay maluwalhati sa pamamagitan ninyo. Pinapanalangin namin na maluwalhati kayo sa pamamagitan niya, dahil sa biyaya ng ating Diyos at ng ating Panginoong Jesu-Cristo.

Chapter 2

1 Ngayon tungkol sa pagdating ng ating Panginoong Jesu-Cristo at sa ating pagtitipon nang sama-sama upang makasama niya: hinihiling namin sa inyo, mga kapatid, 2 na huwag kaagad kayong mabalisa o mabahala, maging sa pamamagitan ng espiritu, ng mensahe, o ng sulat na parang nagmula sa amin, na para bang ang araw ng Panginoon ay dumating na. 3 Huwag ninyong hayaan na kayo ay malinlang sa kahit na anong paraan. Sapagkat hindi ito darating hanggang sa mangyari ang pagbagsak at ang taong suwail ay maihayag, ang anak ng pagkawasak. 4 Siya ang kakalaban at itataas ang kaniyang sarili laban sa lahat ng tinatawag na Diyos o sa mga sinasamba. Bilang resulta, siya ay uupo sa templo ng Diyos at itatanghal ang sarili bilang Diyos. 5 Hindi ba ninyo naalala na noong kasama ninyo ako ay sinabi ko ang mga bagay na ito? 6 Ngayon alam na ninyo kung ano ang pumipigil sa kaniya, upang siya ay maihayag sa tamang panahon lamang. 7 Sapagkat ang hiwaga ng kawalan ng batas ay kumikilos na, may isa lamang na pumipigil sa kaniya ngayon hanggang sa siya ay maalis. 8 Pagkatapos ang taong suwail ay maihahayag, na siyang papatayin ng ating Panginoong Jesus sa pamamagitan ng hininga ng kaniyang bibig. Dadalhin siya sa kawalan ng ating Panginoon sa pamamagitan ng pagkahayag ng kaniyang pagdating. 9 Ang pagdating ng isang Suwail ay dahil sa gawain ni Satanas ng may buong kapangyarihan, tanda, at mga maling himala, 10 at panloloko ng kasamaan. Ang mga bagay na ito ay para sa mga napapahamak, dahil hindi nila tinanggap ang pag-ibig ng katotohanan para sila ay maligtas. 11 dito, ipinapadala ng Diyos sa kanila ang gawa ng kamalian upang sila ay maniwala sa kasinungalingan. 12 Ang resulta nito ay mahahatulan silang lahat, ang mga hindi naniwala sa katotohanan sa halip ay nahumaling sa kasamaan. 13 Ngunit dapat kami laging magpasalamat sa Diyos para sa inyo, mga kapatid na iniibig ng Panginoon. Sapagkat pinili kayo ng Diyos bilang unang bunga ng kaligtasan sa pagpapabanal ng Espiritu at paniniwala sa katotohanan. 14 Ito ang dahilan kung bakit niya kayo tinawag sa pamamagitan ng ating ebanghelyo upang matamo ang kaluwalhatian ng ating Panginoong Jesu Cristo. 15 Kaya nga, mga kapatid, maging matatag kayo. Hawakang mahigpit ang mga tradisyon na naituro sa inyo, kahit na sa pamamagitan ng salita o ng aming sulat. 16 Ngayon, nawa ang ating Panginoong Jesu-Cristo mismo, at ang ating Diyos Ama na nagmamahal sa atin at nagbigay sa atin ng walang hanggang kaaliwan at mabuting pag-asa sa hinaharap sa pamamagitan ng biyaya, 17 ang mag-aliw at magpatatag ng inyong mga puso para sa mabuting gawa at salita.

Chapter 3

1 At ngayon, mga kapatid, manalangin kayo para sa amin, na ang salita ng Panginoon ay mapadali at maluwalhati, gaya ng ginagawa ninyo. 2 Ipanalangin ninyo na mailigtas kami mula sa mga makasalanan at masasamang tao, dahil hindi lahat ay may pananampalataya 3 Ngunit tapat ang Panginoon, na magpapatatag at magbabantay sa inyo mula sa masama. 4 Mayroon kaming tiwala sa Panginoon tungkol sa inyo, na pareho ninyong gagawin at ipagpapatuloy ang mga bagay na iniutos namin sa inyo. 5 Nawa ang Panginoon ang magpatnubay sa inyong mga puso sa pag-ibig ng Diyos at sa pagtitiis ni Cristo. 6 Ngayon inuutusan namin kayo, mga kapatid, sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na lumayo kayo sa mga taong tamad sa pamumuhay at hindi ayon sa mga kaugalian na inyong tinanggap mula sa amin. 7 Sapagkat inyong nalalaman sa inyong mga sarili na nararapat ninyo kaming gayahin. Hindi kami namuhay na nakasama ninyo na katulad ng mga taong ito na walang disiplina. 8 At hindi kami kumakain ng pagkain ng iba nang hindi nagbayad para dito. Sa halip, gumagawa kami sa gabi at araw ng mabibigat na gawain at paghihirap, dahil ayaw namin na maging pabigat sa inyo. 9 Ginagawa namin ito hindi dahil sa wala kaming kapangyarihan. Sa halip, ginagawa namin ito ng maayos upang maging halimbawa sa inyo, upang kami ay inyong tularan. 10 Nang kami ay kasama ninyo, iniutos namin sa inyo na, "Kung may isang ayaw magtrabaho, huwag siyang pakainin." 11 Sapagkat naririnig namin na ang ilan sa inyo ay tamad. Hindi sila gumagawa sa halip sila ay nakikialam sa buhay ng iba. 12 Ngayon inutusan namin sila at hinikayat sa Panginoong Jesu-Cristo, na sila nga ay gumawa ng may katahimikan at kainin nila ang kanilang sariling pagkain. 13 Ngunit kayo, mga kapatid, huwag kayong mapanghinaan ng loob na gawin kung ano ang tama. 14 Kung mayroon mang hindi sumusunod sa mga salita na aming isinulat, tandaan ninyo siya at huwag kayong makisama sa kaniya upang siya ay mahiya. 15 Huwag ninyo siyang ituring na kaaway, ngunit pagsabihan ninyo siya bilang isang kapatid. 16 Nawa ang Panginoon ng kapayapaan aymagbigay sa inyo ng kapayapaan sa lahat ng pagkakataon at sa lahat ng paraan. Nawa ang Panginoon ay sumainyong lahat. 17 Ito ang aking pagbati, akong si Pablo, sa aking sariling kamay, kung saan ay tanda sa bawat sulat. Ganito ako sumulat. 18 Nawa ang biyaya ng Panginoong Jesu-Cristo ay sumainyong lahat.