Tagalog: Tagalog Unlocked Literal Bible

Updated ? hours ago # views See on DCS Draft Material

Zefanias

Chapter 1

1 Ito ang salita ni Yahweh na dumating kay Zefanias na anak ni Cusi na anak ni Geldias na anak ni Amarias na anak ni Hezekias, sa mga araw ni Josias na anak ni Ammon na hari ng Juda. 2 "Ganap kong lilipulin ang lahat ng nasa lupa! Ito ang pahayag ni Yahweh. 3 Lilipulin ko ang mga tao at mga hayop, ang mga ibon sa kalangitan at ang mga isda sa dagat, ang sanhi ng pagkasira kasama ng mga masasama! Sapagkat lilipulin ko ang sangkatauhan sa lupa!" Ito ang pahayag ni Yahweh. 4 "Iuunat ko ang aking kamay sa buong Juda at sa lahat ng naninirahan sa Jerusalem. Papatayin ko ang bawat nalalabi ni Baal sa lugar na ito at ang mga pangalan ng mga taong sumasamba sa diyus-diyosan na kabilang sa mga pari, 5 ang mga taong nasa mga bubungan ng bahay na sumasamba sa mga natatanaw sa kalawakan at ang mga taong sumasamba at nangangako kay Yahweh ngunit nangangako rin kay Milcom. 6 Gayundin ang gagawin ko sa mga tumalikod sa pagsunod kay Yahweh, maging ang mga hindi naghahanap kay Yahweh, ni humihingi ng kaniyang patnubay." 7 Manahimik ka sa harap ng Panginoong Yahweh sapagkat paparating na ang araw ni Yahweh, sapagkat naghanda si Yahweh ng alay na itinalaga niya sa kaniyang mga panauhin. 8 "Mangyayari ito sa araw ng pag-aalay ni Yahweh na parurusahan ko ang mga prinsipe at ang mga anak ng hari at ang lahat ng nakasuot ng mga pandayuhang kasuotan. 9 Sa araw na iyon, parurusahan ko ang mga nagsisilukso sa pintuan, ang mga taong pumupuno sa bahay ng kanilang panginoon sa pamamagitan ng karahasan at panlilinlang! 10 Ito ang pahayag ni Yahweh. Kaya mangyayari ito sa araw na iyan, na ang pag-iyak ng pagkabahala ay magmumula sa Tarangkahang tinawag na Isda, pananaghoy mula sa Ikalawang Distrito at isang napakalakas na ingay ng pagbagsak mula sa mga burol. 11 Tumaghoy kayong mga naninirahan sa Pamilihang Distrito, sapagkat lilipulin ang lahat ng mangangalakal at mamamatay ang lahat ng nagtitimbang ng mga pilak. 12 Darating ito sa panahong iyon na maghahanap ako sa Jerusalem gamit ang mga ilawan at parurusahan ko ang mga kalalakihang nasiyahan sa kanilang mga alak at nagsabi sa kanilang mga puso, 'Walang anumang gagawin si Yahweh, mabuti man o masama!' 13 Nanakawin ang kanilang mga kayamanan at hahayaang ganap na mawasak ang kanilang mga bahay! Magtatayo sila ng mga bahay ngunit hindi maninirahan sa mga ito at magtatanim sila ng mga ubasan ngunit hindi iinom ng alak nito! 14 Malapit na ang dakilang araw ni Yahweh, malapit na at nagmamadali! Ang tunog ng araw ni Yahweh ay magiging tulad ng mandirigmang umiiyak nang may kapaitan! 15 Ang araw na iyan ay magiging araw ng matinding galit, araw ng pagkabahala at pagdadalamhati, araw ng unos at pagkawasak, araw ng kadiliman at kalungkutan, araw ng mga ulap at pumapaitaas na kadiliman! 16 Magiging araw ito ng mga trumpeta at mga hudyat laban sa mga matitibay na lungsod at mga matataas na kuta! 17 Sapagkat magdadala ako ng pagkabahala sa sangkatauhan, upang lumakad sila na gaya ng mga bulag na tao sapagkat nagkasala sila kay Yahweh! Ibubuhos ang kanilang dugo na gaya ng alabok at ang kanilang mga lamanloob gaya ng dumi! 18 Hindi sila maililigtas maging ng kanilang mga pilak o ginto sa araw ng matinding galit ni Yahweh! Tutupukin ng apoy ng matinding poot ni Yahweh ang buong lupain sapagkat nakasisindak ang paglipol na kaniyang idudulot laban sa lahat ng naninirahan sa lupain!"

Chapter 2

1 Bansang walang kahihiyan, magtulungan kayo at magtipun-tipon, 2 bago isagawa ng kautusan ang kahihinantan, bago lumipas ang araw na gaya ng ipa, bago dumating ang matinding galit ni Yahweh sa inyo! Bago dumating ang araw ng matinding poot ni Yahweh sa inyo! 3 Hanapin ninyo si Yahweh, kayong mga mapagpakumbabang tao sa lupa na sumusunod sa kaniyang mga kautusan! Hanapin ninyo ang katuwiran! Hanapin ninyo ang kababaang-loob at marahil na iingatan kayo sa araw ng matinding poot ni Yahweh! 4 Sapagkat pababayaan ang Gaza at mawawasak ang Ashkelon! Palalayasin nila ang mga Asdon sa tanghali at bubunutin nila ang Ekron! 5 Kaawa-awa ang mga naninirahan sa tabing-dagat, ang bansa ng mga Queretita! Nagsalita si Yahweh laban sa inyo, Canaan, ang lupain ng mga Filisteo! Lilipulin ko kayo hanggang sa walang matira sa mga naninirahan! 6 Kaya ang tabing-dagat ay magiging pastulan para sa mga pastol at para sa kulungan ng mga tupa. 7 Mapapabilang ang baybaying rehiyon sa mga nalalabi sa sambahayan ng Juda na magpapastol ng kanilang mga kawan doon. Sa gabi, mahihiga ang kanilang mga tao sa mga tahanan ng Ashkelon, sapagkat iingatan sila ni Yahweh na kanilang Diyos at panunumbalikin ang kanilang mga kapalaran. 8 "Narinig ko ang mga panghahamak ng mga Moabita at ang pagsisiwalat ng mga Ammonita nang hamakin nila ang aking mga tao at nilabag ang kanilang mga hangganan. 9 Kaya, ako ay nabubuhay, ito ang pahayag ni Yahweh ng mga hukbo, ang Diyos ng Israel, "Magiging katulad ng Moab ang Sodoma at tulad ng mga Ammonita ang Gomorra, isang madamong lugar at hukay na asin, na pinabayaan magpakailanman! Ngunit nanakawan sila ng mga nalalabi kong tao at mamanahin ng aking mga natitirang tao ang mga nagmula sa kanila!" 10 Mangyayari ito sa Moab at Amon dahil sa kanilang pagmamataas, sapagkat hinamak at kinutya nila ang mga tao ni Yahweh ng mga hukbo! 11 At matatakot sila kay Yahweh sapagkat hahamakin niya ang lahat ng diyos sa lupa. Sasambahin siya ng lahat, lahat ng nagmula sa kaniyang sariling lupain at mula sa bawat dalampasigan! 12 Mamamatay din kayong mga taga-Kush sa pamamagitan ng aking espada 13 at sasalakayin ng kamay ng Diyos ang hilaga at wawasakin ang Asiria upang pabayaang ganap na mawasak ang Nineve gaya ng tuyong disyerto. 14 Pagkatapos, hihiga ang mga kawan sa kalagitnaan ng Asiria, ang bawat hayop ng mga bansa at magpupugad ang mga ibon at mga kuwago sa taas ng kaniyang mga haligi. Magkakaroon ng tunog na huhuni sa mga bintana at tatawag ang mga uwak sa kanilang pintuan sapagkat inilantad niya ang mga kahoy na cedar. 15 Ito ang pinakamasayang lungsod na namuhay nang walang takot, na nagsabi sa kaniyang puso, "Ako nga, at wala akong katulad!" Paano siya naging isang katatakutan, isang lugar na hinihigaan ng mga mababangis na hayop! Susutsot ang bawat daraan sa kaniya at ikukumpas ang kaniyang kamao sa kaniya!

Chapter 3

1 Kaawa-awa ang mapanghimagsik na lungsod! Nadungisan ang marahas na lungsod! 2 Hindi siya nakinig sa tinig ng Diyos, o tumanggap ng pagtutuwid mula kay Yahweh! Hindi siya nagtiwala kay Yahweh at hindi lumapit sa kaniyang Diyos. 3 Umaatungal na mga leon ang kaniyang mga prinsipe sa kaniyang kalagitnaan! Ang kaniyang mga hukom ay mga lobo sa gabi na walang iniiwanang ngangatngatin sa umaga! 4 Ang kaniyang mga propeta ay walang galang at taksil na mga tao! Nilapastangan ng kaniyang mga pari ang banal at gumawa ng karahasan sa batas! 5 Matuwid si Yahweh sa kaniyang kalagitnaan! Wala siyang ginagawang mali! Araw-araw niyang ibinibigay ang kaniyang katarungan! Hindi ito maitatago sa liwanag ngunit hindi nahihiya ang mga makasalanan! 6 "Nilipol ko ang mga bansa, nawasak ang kanilang mga kuta. Winasak ko ang kanilang mga lansangan upang walang sinuman ang makadaan sa mga ito. Nawasak ang kanilang mga lungsod upang walang tao ang manirahan sa mga ito. 7 Sinabi ko, 'Tiyak na matatakot kayo sa akin! Tanggapin ninyo ang pagtutuwid at hindi kayo maihihiwalay sa inyong mga tahanan sa pamamagitan ng binalak kong gawin sa inyo! Ngunit sabik silang magsimula tuwing umaga sa pamamagitan ng pagsira ng lahat ng kanilang mga gawain. 8 Kung gayon hintayin ninyo ako" - ito ang pahayag ni Yahweh-" hanggang sa araw na babangon ako upang manloob! Sapagkat nagpasya akong tipunin ang mga bansa upang buuin ang mga kaharian at upang ibuhos sa kanila ang aking galit, ang lahat ng aking matinding poot upang tupukin ng apoy ng aking galit ang lahat ng lupain. 9 Ngunit magbibigay ako ng dalisay na mga labi sa mga tao, upang tawagin silang lahat sa pangalan ni Yahweh, upang paglingkuran nila ako nang may pagkakaisa. 10 Mula sa ibayo ng ilog ng Etopia, magdadala sa akin ng mga handog ang mga taong sumasamba sa akin at ang aking mga taong nagkawatak-watak. 11 Sa araw na iyon, hindi kayo malalagay sa kahihiyan dahil sa lahat ng kasamaang ginawa ninyo laban sa akin sapagkat mula sa araw na iyon, aalisin ko mula sa inyo ang mga taong nagdiwang ng inyong pagmamataas at dahil hindi na kayo magyayabang sa aking banal na bundok. 12 Ngunit iiwanan ko kayo gaya ng isang mababa at mahihirap na mga tao at magiging kanlungan ninyo ang pangalan ni Yahweh. 13 Hindi na magkakasala ang mga nalalabi sa Israel o magsasalita ng mga kasinungalingan at hindi sila mahahanapan ng mapanlinlang na dila sa kanilang bibig, kaya kakain sila, hihiga at walang sinuman ang mananakot sa kanila." 14 Umawit ka anak ng Zion! Sumigaw ka Israel! Magsaya at magalak ka nang buong puso, anak ng Jerusalem! 15 Inalis ni Yahweh ang iyong kaparusahan, pinalayas niya ang iyong mga kaaway! Si Yahweh ang hari ninyong mga taga-Israel. Hindi na kayo muling matatakot sa kasamaan! 16 Sa araw na iyon, sasabihin nila sa Jerusalem, "Huwag kang matakot, Zion. Huwag mong hahayaang manghina ang iyong mga kamay. 17 Nasa iyong kalagitnaan si Yahweh na iyong Diyos, isang makapangyarihang magliligtas sa iyo. Magdiriwang siya sa iyo nang may kagalakan at mananahimik siya dahil sa kaniyang pag-ibig sa iyo. Masisiyahan siya sa iyo at sisigaw nang may kagalakan. 18 Tinipon ko mula sa iyo ang mga nagdadalamhati sa itinalagang kapistahan, naging pasanin sila at naging dahilan ng kahihiyan sa iyo. 19 Pakinggan mo, sa panahong iyon, makikipagtuos ako sa mga lumapastangan sa iyo. Sasagipin ko ang lumpo at titipunin ko ang mga palaboy. Aalisin ko ang kanilang kahihiyan at bibigyan sila ng papuri at parangal sa buong lupa. 20 Sa panahong iyon, pangungunahan kita at titipunin. Igagalang at pupurihin ka ng lahat ng bansa sa lupa kapag nakita mong ibinalik kita", sabi ni Yahweh.