Tagalog: Tagalog Unlocked Literal Bible

Updated ? hours ago # views See on DCS Draft Material

Amos

Chapter 1

1 Ito ang mga bagay tungkol sa Israel na natanggap sa pamamagitan ng pagpapahayag kay Amos na isa sa mga pastol sa Tekoa. Natanggap niya ang mga bagay na ito noong panahon ni Uzias na hari ng Juda, at sa panahon din ni Jeroboam na anak ni Joas na hari ng Israel, dalawang taon bago ang lindol. 2 Sinabi niya, "Umaatungal si Yahweh mula sa Zion; nilakasan niya ang kaniyang tinig mula sa Jerusalem. Ang mga pastulan ng mga pastol ay nagluluksa, ang tuktok ng Carmelo ay nalalanta." 3 Ito ang sinasabi ni Yahweh: "Dahil sa tatlong kasalanan ng Damasco, kahit na apat pa, hindi ko babawiin ang kaparusahan, sapagkat giniik nila ang Gilead sa pamamagitan ng mga instrumentong bakal. 4 Magpapadala ako ng apoy sa bahay ni Hazael, at tutupukin nito ang mga tanggulan ng Ben-Hadad. 5 Babaliin ko ang mga bakal na tarangkahan ng Damasco at tatalunin ang lalaking naninirahan sa Biqat Aven, at maging ang lalaking humahawak sa setro mula sa Beth-eden; ang mga taga-Aram ay mabibihag sa Kir," sabi ni Yahweh. 6 Ito ang sinasabi ni Yahweh: "Dahil sa tatlong kasalanan ng Gaza, o kahit na apat pa, hindi ko babawiin ang kaparusahan, dahil kinuha nilang bihag ang lahat ng mga tao upang ipasakamay sila sa Edom. 7 Magpapadala ako ng apoy sa mga pader ng Gaza at tutupukin nito ang kaniyang mga tanggulan. 8 Lilipulin ko ang lalaking naninirahan sa Asdod at ang lalaking humahawak sa setro mula sa Ashkelon. Ibabaling ko ang aking kamay laban sa Ekron at ang ibang mga Filisteo ay mamamatay," sabi ng Panginoong Yahweh. 9 Ito ang sinasabi ni Yahweh: "Dahil sa tatlong kasalanan ng Tiro, kahit na apat pa, hindi ko babawiin ang kaparusahan, dahil ipinasakamay nila ang buong pangkat ng mga tao sa Edom at sinira nila ang kanilang kasunduan ng kapatiran. 10 Magpapadala ako ng apoy sa mga pader ng Tiro, at tutupukin nito ang kaniyang mga tanggulan." 11 Ito ang sinasabi ni Yahweh, "Dahil sa tatlong kasalanan ng Edom, kahit na apat pa, hindi ko babawiin ang kaparusahan, dahil tinugis niya ang kaniyang kapatid ng espada at hindi man lang naawa. Nagpatuloy ang kaniyang matinding galit at ang kaniyang poot ay tumagal nang walang hanggan. 12 Magpapadala ako ng apoy sa Teman, at tutupukin nito ang mga palasyo ng Bozra." 13 Ito ang sinasabi ni Yahweh, "Dahil sa tatlong kasalanan ng mga Ammonita, kahit na apat pa, hindi ko babawiin ang kaparusahan, dahil nilaslas nila ang tiyan ng mga buntis na kababaihang Gilead, upang maaari nilang palawakin ang kanilang mga nasasakupan. 14 Magsisindi ako ng apoy sa mga pader ng Rabba, at tutupukin nito ang mga palasyo, na may kasamang sigaw sa araw ng labanan, na may kasamang bagyo sa araw ng ipu-ipo. 15 Ang kanilang hari at ang kaniyang mga opisyal ay sama-samang mabibihag," sabi ni Yahweh.

Chapter 2

1 Ito ang sinasabi ni Yahweh: "Dahil sa tatlong kasalanan ng Moab, kahit na apat pa, hindi ko babawiin ang kaparusahan, dahil sinunog niya ang mga buto ng hari ng Edom hanggang sa naging apog. 2 Magpapadala ako ng apoy sa Moab at tutupukin nito ang mga tanggulan ng Keriot. Mamamatay ang mga taga-Moab sa isang kaguluhan, na may sigaw at may tunog ng trumpeta. 3 Sisirain ko ang hukom sa kaniya, at papatayin ko ang lahat ng mga prinsipeng kasama niya," sabi ni Yahweh. 4 Ito ang sinasabi ni Yahweh: "Dahil sa tatlong kasalanan ng Juda, kahit na apat pa, hindi ko babawiin ang kaparusahan, dahil hindi nila sinunod ang kautusan ni Yahweh at hindi iningatan ang kaniyang mga palatuntunan. Ang kanilang kasinungalingan ang naging sanhi ng kanilang pagkakasala, katulad ng tinahak ng kanilang mga ama. 5 Magpapadala ako ng apoy sa Juda at tutupukin nito ang mga tanggulan ng Jerusalem." 6 Ito ang sinasabi ni Yahweh: "Dahil sa tatlong kasalanan ng Israel, kahit na apat pa, hindi ko babawiin ang kaparusahan, dahil ibinenta nila ang mga walang kasalanan para sa pilak at ang nangangailangan ay para sa pares ng sandalyas. 7 Tinatapakan nila ang ulo ng mga mahihirap gaya nang pagtapak ng mga tao sa alikabok sa lupa; palayo nilang ipinagtutulakan ang naapi. Ang mag-ama ay sumisiping sa iisang babae at nilalapastangan ang aking banal na pangalan. 8 Nahiga sila sa tabi ng bawat altar sa ibabaw ng kasuotang kinuha bilang mga panunumpa, at sa tahanan ng Diyos ay ininom nila ang alak na multa. 9 Kaya winasak ko ang mga Amoreo sa harap nila, na kasingtaas ng puno ng sedar; siya ay kasinglakas ng ensina. Ngunit winasak ko ang kaniyang bunga sa taas at kaniyang mga ugat sa ilalim. 10 Gayundin, inilabas ko kayo sa lupaing Egipto at pinangunahan ko kayo sa ilang ng apatnapung taon upang maangkin ninyo ang lupain ng mga Amoreo. 11 Pumili ako ng mga propetang mula sa inyong mga anak na lalaki at mga Nazareo mula sa inyong mga nakababatang kalalakihan. Hindi ba tama iyon, mga Israelita? —ito ang pahayag ni Yahweh." 12 "Ngunit hinimok ninyo ang mga Nazareo upang inumin ang alak at inutusan ang mga propetang huwag magpropesiya. 13 Tingnan ninyo, dudurugin ko kayo gaya ng pagdurog ng kariton na puno ng butil na maaaring durugin ang sinuman. 14 Ang mabilis na tao ay hindi makakatakas; ang malakas ay hindi na madadagdagan pa ang kaniyang kalakasan; maging ang magiting ay hindi niya maililigtas ang kaniyang sarili. 15 Ang mamamana ay hindi makatatayo; ang pinakamabilis tumakbo ay hindi makakatakas; ang mangangabayo ay hindi niya maililigtas ang kaniyang sarili. 16 Kahit na ang mga pinakamatapang na mandirigma ay tatakas na hubad sa araw na iyon—ito ang pahayag ni Yahweh."

Chapter 3

1 Pakinggan ninyo ang salitang ito na sinabi ni Yahweh laban sa inyong mga Israelita, laban sa buong pamilya na aking inilabas sa lupain ng Egipto, 2 Kayo lamang ang pinili ko sa lahat ng mga pamilya sa lupa. Dahil dito parurusahan ko kayo sa inyong mga kasalanan. 3 Lalakad bang magkasama ang dalawa nang walang pinagkasunduan? 4 Umaatungal ba ang isang leon sa gubat kapag wala itong nabiktima? Umuungol ba ang isang batang leon sa kaniyang yungib kung wala siyang nahuling anuman? 5 Mabibitag ba ang isang ibon sa lupa kung walang paing nakahanda sa kaniya? Iigkas ba ang isang bitag sa lupa kung wala itong nahuling anuman? 6 Tutunog ba ang trumpeta sa lungsod at hindi manginginig sa takot ang mga tao? Darating ba ang sakuna sa isang lungsod kung hindi si Yahweh ang nagpadala nito? 7 Tiyak na walang gagawing anuman ang Panginoong Yahweh hanggang hindi niya naipapahayag ang kaniyang plano sa kaniyang mga lingkod na mga propeta. 8 Ang leon ay umatungal; sino ang hindi matatakot? Nagsalita ang Panginoong Yahweh; sino ang hindi magpapahayag? 9 Ipahayag ito sa mga tanggulan ng Asdod at sa mga tanggulan sa lupain ng Egipto; na sinabi: "Magtipon-tipon kayo sa mga bundok ng Samaria at tingnan ninyo kung ano ang malaking kaguluhan at pang-aapi ang nasa kaniya. 10 Sapagkat hindi nila alam kung paano gumawa ng mabuti"—Ito ang pahayag ni Yahweh—"Nag-ipon sila ng pagkawasak at kasiraan sa kanilang mga tanggulan." 11 Kaya, ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh: "Isang kaaway ang papalibot sa inyong lupain. Ibabagsak ang inyong pinatibay na moog at lolooban ang inyong mga tanggulan." 12 Ito ang sinasabi ni Yahweh: Gaya ng pagsagip ng pastol sa bunganga ng leon na dalawang hita lamang ang makukuha o isang piraso ng tenga, kaya ang masasagip ng mga Israelita na naninirahan sa Samaria ay kapiraso ng sopa lamang o isang piraso ng pantakip sa higaan." 13 Pakinggan at magpatotoo laban sa sambahayan ni Jacob--ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh na Diyos ng mga hukbo. 14 "Sapagkat sa araw na parurursahan ko ang Israel sa kanilang mga kasalanan, parurusahan ko rin ang mga altar ng Bethel. Ang mga sungay sa altar ay mapuputol at babagsak sa lupa. 15 Wawasakin ko ang bahay na para sa taglamig kasama ang bahay para sa tag-init. Ang mga bahay na gawa sa garing ay mawawala, at ang malalaking mga bahay ay mawawala rin,"—Ito ang pahayag ni Yahweh.

Chapter 4

1 Pakinggan ninyo ang salitang ito, kayong mga baka sa Bashan, kayong nasa bundok ng Samaria, kayo na nagmamalupit sa mga mahihirap, kayo na nagkakait sa mga nangangailangan, kayo na nagsasabi sa inyong mga asawang lalaki, "Dalhan ninyo kami ng maiinom." 2 Ang Panginoong Yahweh ay sumumpa sa pamamagitan ng kaniyang kabanalan: "Tingnan ninyo, darating ang mga araw na kukunin nila kayo sa pamamagitan ng mga kalawit, ang mga huli sa inyo ay bibingwitin. 3 Makakalabas kayo sa mga nasirang pader ng lungsod, bawat isa na magpapatuloy palabas dito, at kayo ay itatapon sa Harmon—ito ang pahayag ni Yahweh." 4 Pumunta kayo sa Bethel at magkasala, sa Gilgal at magparami ng kasalanan. Dalhin ninyo ang inyong mga handog tuwing umaga, ang inyong mga ikapu sa bawat ikatlong araw. 5 Mag-alay ng handog pasasalamat na may tinapay; ipaalam ang kusang-loob na paghahandog. Sasabihin ninyo sa kanila, sapagkat ito ay nakalulugod sa inyo, kayong mga Israelita—ito ang pahayag ng Panginoong si Yahweh." 6 "Ibinigay ko sa inyo ang kalinisan ng mga ngipin sa lahat ng inyong mga lungsod at kakulangan ng tinapay sa lahat ng inyong mga lugar. Gayunpama'y hindi kayo bumalik sa akin—Ito ang pahayag ni Yahweh." 7 "Pinigilan ko din ang ulan sa inyo nang mayroon pang tatlong buwan para mag-ani. Nagpaulan ako sa isang lungsod, at sa ibang lungsod ay hindi ko pinaulan. Sa isang bahagi ng lupain ay naulanan, ngunit sa isang bahagi ng lupain na hindi naulanan ay natuyo. 8 Nagpagala-gala ang dalawa o tatlong lungsod sa ibang lungsod upang uminom ng tubig, ngunit hindi sila nasiyahan. Ngunit hindi pa rin kayo bumalik sa akin—ito ang ang pahayag ni Yahweh." 9 "Pahihirapan ko kayo ng pagkalanta at amag. Marami sa inyong mga halamanan, ng inyong mga ubasan, ng inyong mga puno ng igos at olibo—kakainin silang lahat ng balang. Gayunpama'y hindi pa rin kayo bumalik sa akin—Ito ang pahayag ni Yahweh." 10 Pinadala ko sa inyo ang salot na gaya sa Egipto. Pinatay ko sa espada ang inyong mga kabataang lalaki, kinuha ang inyong mga kabayo, at ginawa kong mabaho ang inyong kampo na umabot sa inyong mga pang-amoy. Gayunpama'y hindi kayo bumalik sa akin—Ito ang pahayag ni Yahweh." 11 "Sinira ko ang inyong mga lungsod, gaya ng pagsira ng Diyos sa Sodoma at Gomorra. Katulad kayo ng nasusunog na patpat na hinango sa apoy. Gayunpama'y hindi pa rin kayo bumalik sa akin—Ito ang pahayag ni Yahweh." 12 "Dahil dito gagawa ako ng kakila-kilabot na bagay sa inyo, Israel; at dahil sa gagawin kong kakila-kilabot na bagay, maghanda kayo upang harapin ang inyong Diyos, Israel! 13 Kaya, tingnan ninyo, ang bumuo sa mga bundok pati na rin ang lumikha ng hangin, nagpahayag ng kaniyang kaisipan sa sangkatauhan, ang nagpapadilim ng umaga, at tumutungtong sa mga matataas na lugar sa Lupa." Ang kaniyang pangalan ay Yahweh, Diyos ng mga hukbo.

Chapter 5

1 Pakinggan ninyo ang mga salitang ito na itinataghoy ko sa inyo, o sambahayan ng Israel. 2 Bumagsak na ang birheng Israel; hindi na siya muling makatatayo; pinabayaan siya sa kaniyang bayan; at wala ni isang tutulong upang itayo siya. 3 Sapagkat ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh: "Ang lungsod na isang libo ang lalabas ay isang daan ang matitira, at ang isa na lalabas na may isang daan ay sampu ang matitira na pagmamay-ari ng sambayanan ng Israel." 4 Sapagkat ito ang sinasabi ni Yahweh sa sambahayan ng Israel: "Hanapin ako at mabuhay! 5 Huwag hanapin ang Bethel; ni pumasok sa Gilgal, at huwag dumaan sa Beer-seba. Dahil tiyak na bibihagin ang Gilgal, at magdadalamhati ang Bethel. 6 Hanapin si Yahweh at mabuhay, kung hindi, magliliyab siya na parang apoy sa tahanan ni Jose. Ito ay tutupok, at wala kahit isa na makapapatay nito sa Bethel. 7 Ang mga taong ginagawang mapait na bagay ang katarungan at itinatapon sa lupa ang katuwiran!" 8 Nilikha ng Diyos ang Pleyades at Orion; ginawa niyang umaga ang dilim; pinagdidilim niya ang araw na maging gabi at tinawag niya ang mga tubig sa dagat; ibinubuhos niya ang mga iyon sa ibabaw ng mundo. Yaweh ang kaniyang pangalan! 9 Nagdudulot siya ng biglang pagkawasak sa malalakas upang sa gayon masisira ang mga tanggulan 10 Kinamumuhian nila ang sinumang magtuwid sa kanila sa tarangkahan ng lungsod at kinapopootan nila ang sinumang magsasabi ng katotohanan. 11 Dahil tinatapakan ninyo ang mahihirap at kinukuha ninyo ang mga bahagi ng trigo mula sa kanila—at kahit na nagtayo kayo ng mga bahay na gawa sa bato, hindi ninyo matitirahan ang mga ito. Mayroon kayong masaganang ubasan, ngunit hindi ninyo maiinom ang mga alak nito. 12 Sapagkat alam ko kung gaano karami ang inyong nagawang pagkakasala at kung gaano karami ang inyong mga kasalanan—kayo na nagpapahirap sa mga matutuwid, tumatanggap ng mga suhol, at tinalikuran ang mga nangangailangan sa tarangkahan ng lungsod. 13 Kaya sinumang taong matino ang pag-iisip ay tatahimik sa panahong iyon, sapagkat panahon ito ng kasamaan. 14 Hanapin ang mabuti at hindi ang masama, upang kayo ay mabuhay. Upang si Yahweh, na Diyos ng mga hukbo, ay tiyak na makakasama ninyo, tulad ng inyong sinabi. 15 Kamuhian ang kasamaan, ibigin ang mabuti, magtatag kayo ng katarungan sa tarangkahan ng lungsod. Baka sakaling mahabag si Yahweh, ang Diyos ng mga hukbo, sa mga nalalabi ni Jose. 16 Kaya, ito ang sinasabi ni Yahweh, ang Diyos ng mga hukbo, ang Panginoon: "May tumataghoy sa lahat ng mga liwasan, at sasabihin nila sa lahat ng lansangan, 'Aba! Aba!' Tatawagin nila ang mga magsasaka upang magluksa at ang mga mangluluksa upang managhoy. 17 May tumatangis sa lahat ng ubasan, sapagkat dadaan ako sa kalagitnaan ninyo," sabi ni Yahweh. 18 Aba sa inyo na naghahangad sa araw ni Yahweh! Bakit ninyo hinahangad ang araw ni Yahweh? Ito ay kadiliman at hindi liwanag. 19 Gaya ng isang tao na tinatakasan niya ang isang leon at isang oso ang sumasalubong sa kaniya, o kaya pumapasok siya sa tahanan at inihawak ang kaniyang kamay sa pader at isang ahas ang tutuklaw sa kaniya. 20 Hindi ba kadiliman ang araw ni Yahweh at hindi liwanag? Makulimlim at walang liwanag? 21 "Kinamumuhian ko, at kinasusuklaman ko ang inyong mga kapistahan, hindi ako nasisiyahan sa inyong mga taimtim na mga pagpupulong. 22 Kahit na ihandog ninyo sa akin ang inyong mga handog na susunugin at mga handog na butil, hindi ko tatanggapin ang mga iyan, ni hindi ko titingnan ang mga pinataba ninyong hayop na ihahandog ninyong pangkapayapaan. 23 Huwag ninyong iparinig ang ingay ng inyong mga awit; hindi ko pakikinggan ang mga tunog ng inyong mga alpa. 24 Sa halip, paaagusin ninyo ang katarungan na tulad ng tubig na umaagos, at paaagusin ninyo ang katuwiran tulad ng batis na patuloy sa pag-agos. 25 Kayong mga sambahayan ni Israel, nagdala ba kayo ng mga alay at mga handog ninyo sa akin sa ilang ng apatnapung taon? 26 Bubuhatin ninyo si Sakut bilang inyong hari, at si Kaiwan, na bituwing diyus-diyosan ninyo—mga diyos diyusan na ginawa ninyo para sa inyong sarili. 27 Kaya ipabibihag ko kayo sa kabila ng Damasco," sabi ni Yahweh, na ang pangalan ay ang Diyos ng mga hukbo.

Chapter 6

1 Aba sa mga taong panatag sa Zion, at sa mga taong ligtas na nasa burol ng bansang Samaria, ang mga tanyag na kalalakihang pinakamahuhusay sa mga bansa, na silang hinihingian ng tulong ng sambahayang Israel! 2 Sinasabi ng inyong mga pinuno, "Pumunta kayo sa Calne at tingnan ninyo; mula roon pumunta kayo sa Hamat, ang tanyag na lungsod; pagkatapos bumaba kayo sa Gat ng mga Filisteo. Mas mabuti ba sila kaysa sa dalawa ninyong kaharian? Mas malawak ba ang kanilang nasasakupan kaysa sa inyong nasasakupan?" 3 Aba sa inyong nagpapaliban ng araw ng kapahamakan at naglalapit sa trono ng karahasan. 4 Humihiga sila sa mga higaang gawa sa garing at nagpapahinga sa kanilang mga malalambot na upuan. Kinakain nila ang mga batang tupa mula sa kawan at mga pinatabang guya mula sa kuwadra. 5 Umaawit sila ng mga walang kabuluhang mga awitin sa tugtugin ng alpa; gumagawa sila ng mga pansarili nilang instrumento gaya ng ginawa ni David. 6 Umiinom sila ng alak mula sa mga mangkok at pinahiran ang kanilang mga sarili ng mga pinakapurong langis, ngunit hindi sila nagluluksa sa pagkawasak ni Jose. 7 Kaya dadalhin silang bihag ngayon kasama ng mga naunang bihag, at ang mga pista ng mga nagpapahinga ay lilipas na. 8 Ako, ang Panginoong Yahweh, ang mismong nangako —ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh, ang Diyos ng mga hukbo: "Kinamumuhian ko ang pagmamalaki ni Jacob. Kinamumuhian ko ang kaniyang mga tanggulan. Samakatuwid ipapasakamay ko ang lungsod kasama ang lahat ng nasa loob nito." 9 At mangyayari na kung may sampung kalalakihang naiwan sa isang bahay, mamamatay silang lahat. 10 Kapag dumating ang kamag-anak ng isang lalaki upang kunin ang kanilang mga bangkay—na magsusunog sa kanilang mga bangkay pagkatapos nitong ilabas sa bahay—kung sasabihin niya sa taong nasa loob ng bahay na, "Mayroon ka bang kasama?" At kapag sumagot ang taong iyon ng, "Wala," kung gayon, sasabihin niya, "Tumahimik ka, dahil hindi natin dapat banggitin ang pangalan ni Yahweh." 11 Sapagkat, tingnan ninyo, magbibigay si Yahweh ng utos, at madudurog sa maliliit na mga piraso ang malaking bahay at pagpipira-pirasuhin ang maliliit na bahay. 12 Tumatakbo ba ang mga kabayo sa mga mabatong bangin? May nag-aararo bang baka roon? Ngunit ginawa ninyong lason ang katarungan at kapaitan ang bunga ng katuwiran. 13 Kayong mga nagagalak sa Lo Debar, na nagsasabi, "Hindi ba namin nasakop ang Karnaim sa aming sariling kalakasan?" 14 "Ngunit tingnan ninyo, pipili ako ng isang bansang laban sa inyo, sambahayan ni Israel"—ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh, ang Diyos ng mga hukbo. "Pahihirapan nila kayo mula sa Lebo Hamat hanggang sa batis ng Araba."

Chapter 7

1 Ito ang ipinakita sa akin ng Panginoong si Yahweh. Tingnan, lumikha siya ng isang pulutong ng mga balang nang magsimula ang tagsibol ng mga pananim, at, tingnan, ito ang huling pananim pagkatapos ng pag-ani ng hari. 2 Nang matapos nitong kainin ang mga halaman sa lupain, pagkatapos sinabi ko, "Panginoong Yahweh, isinasamo ko patawarin mo sila; paano makaliligtas si Jacob? sapagkat napakaliit niya." 3 Nahabag si Yahweh tungkol dito. "Hindi ito mangyayari," sinabi niya. 4 Ito ang ipinakita sa akin ng Panginoong Yahweh: Tingnan, tumawag ang Panginoong Yahweh ng apoy upang humatol. Tinuyo nito ang napakalawak, malalim na tubig sa ilalim ng lupa at sisirain pati na rin ang kalupaan. 5 Ngunit sinabi ko, "Panginoong Yahweh, isinasamo ko na itigil mo na; paano makaliligtas si Jacob? Sapagkat napakaliit niya." 6 Nahabag si Yahweh tungkol dito. "Hindi rin ito mangyayari," sinabi ng Panginoong Yahweh. 7 Ito ang ipinakita niya sa akin: Tingnan, nakatayo ang Panginoon sa gilid ng isang pader, na may isang hulog sa kaniyang kamay. 8 Sinabi ni Yahweh sa akin. "Amos, ano ang nakikita mo?" sinabi ko, "Isang hulog." Pagkatapos sinabi ng Panginoon, "Tingnan mo, ilalagay ko ang isang hulog kasama ng aking mga taong Israelita. Hindi ko na sila kaaawaan pa. 9 Mawawasak ang matataas na lugar ni Isaac, masisira ang mga santuwaryo ni Israel, at tatayo ako laban sa sambahayan ni Jeroboam na may kasamang espada." 10 Pagkatapos si Amazias na pari ng Bethel, nagpadala ng isang mensahe kay Jeroboam na hari ng Israel: "Nakipagsabwatan si Amos laban sa iyo sa pagitan ng sambahayan ni Israel. Hindi kayang pasanin ng lupain ang lahat ng kaniyang mga salita. 11 Sapagkat ito ang sinabi ni Amos: 'Mamamatay si Jeroboam sa pamamagitan ng espada, at tiyak na dadalhing bihag ang Israel palayo sa kaniyang lupain."' 12 Sinabi ni Amazias kay Amos. "Propeta, humayo ka, tumakbo ka pabalik sa lupain ng Juda, at doon ka kumain ng tinapay at magpropesiya. 13 Ngunit huwag ka ng magpropesiya pa kailanman dito sa Bethel, sapagkat ito ay santuwaryo ng hari at isang maharlikang tahanan." 14 Pagkatapos sinabi ni Amos kay Amazias, "Hindi ako isang propeta o anak ng isang propeta. Isa akong pastol, at ako ang nangangalaga sa mga puno ng sikamoro. 15 Ngunit kinuha ako ni Yahweh mula sa pagbabantay ng mga tupa at sinabi sa akin, 'Humayo ka, magpropesiya ka sa aking mga taong Israelita.' 16 Pakinggan mo ngayon ang salita ni Yahweh. Sinasabi mo, 'Huwag akong magpropesiya laban sa Israel, at huwag akong magsalita laban sa sambahayan ni Isaac.' 17 Samakatwid ito ang sinasabi ni Yahweh: 'Ang iyong asawa ay magiging babaing nagbebenta ng aliw sa lungsod; mamamatay sa pamamagitan ng espada ang iyong mga anak na lalaki at mga anak na babae; susukatin ang iyong mga lupain at paghahati-hatian; mamamatay ka sa maruming lupain, at tiyak na dadalhin sa pagkabihag ang Israel mula sa kaniyang lupain."

Chapter 8

1 Ito ang ipinakita sa akin ng Panginoong Yahweh. Tingnan, isang basket ng mga bungang pantag-araw! 2 Sinabi niya, "Ano ang nakikita mo, Amos?" Sinabi ko, "Isang basket ng mga bungang pantag-araw." At sinabi ni Yahweh sa akin, parating na ang katapusan ng aking bansang Israel; hindi ko na sila kaaawaan pa. 3 Ang mga awit sa templo ay magiging pagtangis. Sa araw na iyon" —ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh—"Magiging marami ang mga bangkay, sa bawat lugar itatapon nila ang mga ito sa katahimikan!" 4 Pakinggan ninyo ito, kayong mga umaapak sa mga nangangailangan at nagpapaalis sa mga mahihirap sa lupain. 5 Sinabi nila, "Kailan matatapos ang bagong buwan, upang muli kaming makapagbenta ng butil? At ang Araw ng Pamamahinga, kailan matatapos, upang makapagbenta kaming muli ng trigo? Gagawin naming mababa ang sukat at tataasan ang halaga, upang makapandaya kami ng maling timbang. 6 Upang makapagbenta kami ng hindi magandang trigo at bilhin ng pilak ang mga mahihirap, isang pares ng sandalyas para sa nangangailangan." 7 Sumumpa si Yahweh sa kapalaluan ni Jacob, "Tiyak na hindi ko malilimutan kailanman ang anumang ginawa nila." 8 Hindi ba mayayanig ang lupain dahil sa mga ito at tatangis ang bawat isang nakatira rito? Ang lahat ng ito ay babangon tulad ng Ilog ng Nilo at tataas ang mga ito at muling lulubog tulad sa ilog ng Egipto. 9 "Darating ang mga ito sa araw na iyon"—ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh— "na palulubugin ko ang araw sa tanghaling tapat at padidilimin ko ang buong daigdig sa liwanag ng araw. 10 Gagawin kong pagdadalamhati ang inyong mga pista at ang lahat ng inyong mga awit ay sa panaghoy. Pagsusuutin ko kayong lahat ng telang magaspang at ang bawat ulo ay kakalbuhin. Gagawin kong pagdadalamhati tulad sa nag-iisang anak, at isang araw ng kapaitan sa bawat pagtatapos. 11 Tingnan, parating na ang mga araw"—ito ang pahayag ng Panginoong Yahweh— "Kapag magpapadala ako ng taggutom sa lupain, hindi sa kagutuman sa tinapay, ni pagkauhaw sa tubig, kundi sa pakikinig ng mga salita ni Yahweh. 12 Susuray-suray sila sa magkabilaang dagat; tatakbo sila mula sa hilaga patungo sa silangan upang hanapin ang salita ni Yahweh, ngunit hindi nila ito masusumpungan. 13 Sa araw na iyon ang mga magagandang dalaga at ang mga binata ay manghihina mula sa pagkauhaw. 14 Sinumang sumusumpa sa kasalanan ng Samaria at sabihing, 'Buhay ang diyos mo, Dan' at, 'Buhay ang diyos ng Beerseba, —sila ay babagsak at kailanman ay hindi na muling babangon."

Chapter 9

1 Nakita ko ang Panginoon na nakatayo sa tabi ng altar, at sinabi niya, "Hampasin mo ang mga ibabaw ng mga haligi upang mayanig ang mga pundasyon. Durugin ng pira-piraso ang mga ito sa kanilang mga ulo, at papatayin ko sa espada ang mga nalabi sa kanila. Walang isa man sa kanila ang makakalayo at makakatakas. 2 Kahit na maghukay sila hanggang sa Sheol, naroon ang aking kamay upang kunin sila. Kahit na umakyat sila patungo sa langit, mula roon hihilain ko sila pababa. 3 Kahit na magtago sila sa tuktok ng Carmelo, doon ay hahanapin ko sila at kukunin. Kahit na magtago sila mula sa aking paningin sa kailaliman ng dagat, mula roon uutusan ko ang ahas at tutuklawin sila. 4 Kahit pumunta sila sa pagkabihag, pamunuan man sila ng kaaway, doon ay mag-uutos ako ng espada, at ito ang papatay sa kanila. Pananatilihin ko ang aking paningin sa kanila para saktan at hindi para sa mabuti." 5 Ang Panginoon, Yahweh ng mga hukbo na hihipo sa lupa at ito ay matutunaw; magdadalamhati ang lahat ng mga naninirahan dito; ang lahat ng ito ay aahon tulad ng Ilog, at muling lulubog tulad sa Ilog ng Egipto. 6 Ito ang siyang magtatayo ng kaniyang mga silid sa langit at ipinatayo niya ang mga malalaking pundasyon sa mundo. Tatawagin niya ang mga tubig sa dagat, at ibubuhos ang mga ito sa ibabaw ng lupa, Yahweh ang kaniyang pangalan. 7 "Hindi ba tulad kayo ng mga tao ng Etiopia sa akin, mga tao ng Israel? —ito ang pahayag ni Yahweh. Hindi ba ako ang nagpalabas sa Israel mula sa lupain ng Egipto, ang mga Filisteo mula sa Caftor, at ang mga Aramean mula sa Kir? 8 Tingnan, ang mga mata ng Panginoong Yahweh ay nakatingin sa makasalanang kaharian, at wawasakin ko ito mula sa ibabaw ng lupa, maliban sa sambahayan ni Jacob hindi ko ito lubusang wawasakin — "Ito ang pahayag ni Yahweh." 9 Tingnan, magbibigay ako ng utos, liligligin ko ang sambahayan ng Israel sa lahat ng mga bansa, tulad ng isang pagkakaliglig ng butil sa salaan, kaya kahit na ang pinakamaliliit na bato ay hindi malalaglag sa lupa. 10 Ang lahat ng mga makasalanan sa aking mga tao ay mamamatay sa pamamagitan ng espada, 'sinumang magsabi, 'Hindi tayo mauunahan ng sakuna ni masasalubong natin."' 11 Sa araw na iyon muli kong ibabangon ang tolda ni David na bumagsak, at pagdudugtungin ko ang mga tukod nito. Ibabangon ko ang mga nawasak, Itatayo ko ang mga ito tulad ng dati. 12 Upang kanilang ariin ang mga natira sa Edom at ang lahat ng bansang tumawag sa aking pangalan —ito ang pahayag ni Yahweh, na siyang gumawa nito." 13 "Tingnan, darating ang mga araw"—Ito ang pahayag ni Yahweh— "Kapag mauunahan ng mang-aararo ang mag-aani, at ang taga-pisa ng ubas ay mauunahan ang mga taga-pagtanim ng binhi. Papatak sa mga bundok ang matatamis na alak, at aagos ito sa mga burol. 14 Ibabalik ko mula sa pagkakabihag ang aking mga taong Israel. Itatayo nila ang nasirang lungsod at maninirahan doon, magtatanim sila sa ubasan at iinumin ang mga alak nito, gagawa sila ng hardin at kanilang kakainin ang mga bunga nito 15 Itatanim ko ang mga ito sa kanilang mga lupain, at kailan man ay hindi na sila muling mabubunot mula sa lupain na ibinigay ko sa kanila," sinabi ni Yahweh na inyong Diyos.