1 Timoteo
Chapter 1
1 Mula kay Pablo, apostol ni Cristo Jesus ayon sa kautusan ng Diyos na ating tagapagligtas at Cristo Jesus na ating inaasahan, 2 para kay Timoteo, isang tunay na anak sa pananampalataya: Biyaya, habag, at kapayapaan mula sa Diyos Ama at kay Cristo Jesus na ating Panginoon. 3 Katulad ng pinakiusap ko saiyo na gawin mo nang ako ay papuntang Macedonia, manatili ka sa Efeso upang mautusan mo ang ilang mga tao na huwag magturo ng ibang doktrina. 4 Ni pansinin ang mga kwento at mga kasaysayan ng lahi. Nagdudulot ito ng mga pagtatalo sa halip na makatulong sa plano ng Diyos, kung saan sa pamamagitan ng pananampalataya. 5 Ngayon ang layunin ng kautusan ay pag-ibig mula sa isang dalisay na puso, mula sa isang mabuting budhi, at mula sa tapat na pananampalataya. 6 May ilang mga tao na hindi naabot ang layunin at tumalikod sa mga bagay na ito at napunta sa mga walang kabuluhan na pananalita. 7 Nais nilang maging tagapagturo ng kautusan, ngunit hindi nila nauunawaan kung ano ang kanilang sinasabi o kung ano ang kanilang ipinipilit. 8 Ngunit alam natin na ang kautusan ay mabuti kung ginagamit ito ng ayon sa batas. 9 At nalalaman natin ito, na ang kautusan ay hindi ginawa para sa matuwid na tao, kundi sa walang kinikilalang batas at rebeldeng mga tao, para sa mga hindi makadiyos, at makasalanan, at sa mga taong walang Diyos at lapastangan. Ito ay ginawa para sa mga pumapatay ng kanilang ama at ina, para sa mga mamamatay tao, 10 para sa mga taong mahahalay, at sa mga nakikipagtalik sa parehong kasarian, at sa mga nangunguha ng mga tao para gawing mga alipin, para sa mga sinungaling, para sa mga huwad na saksi, at para sa anumang salungat sa mabuting alituntunin. 11 Ang mga alituntuning ito ay ayon sa dakilang ebanghelyo ng mapagpalang Diyos na ipinagkatiwala sa akin. 12 Nagpapasalamat ako kay Cristo Jesus na ating Panginoon. Pinapalakas niya ako, sapagkat itinuturing niya akong tapat, at inilagay niya ako sa paglilingkod. 13 Isa akong lapastangan sa Diyos, umuusig, at marahas na tao. Ngunit tumanggap ako ng habag dahil sa hindi ko alam ang aking ginagawa sa kawalan ng pananampalataya. 14 Ngunit ang biyaya ng ating Panginoon ay nag-uumapaw sa pananampalataya at pag-ibig na nakay Cristo Jesus. 15 Ang mensaheng ito ay mapagkakatiwalaan at karapat-dapat na tanggapin ng lahat, na si Cristo Jesus ay naparito sa mundo para iligtas ang mga makasalanan. Ako ang pinakamasama sa mga ito. 16 Ngunit sa dahilang ito nabigyan ako ng habag, kaya't sa pamamagitan ko, bilang pangunahin, ay ipapakita ni Cristo Jesus ang buong pagtitiyaga. Ginawa niya ito bilang isang halimbawa sa mga magtitiwala sa kaniya para sa buhay na walang hanggan. 17 Ngayon sa hari ng walang hanggang panahon, ang walang kamatayan, hindi nakikita, at nag-iisang Diyos, sa kaniya ang karangalan at luwalhati magpakailanpaman. Amen. 18 Ibinibigay ko ang utos na ito sa iyo, Timoteo, na aking anak. Ginagawa ko ito ayon sa propesiya na nasabi tungkol sa iyo noon, upang ikaw ay makipaglaban sa mabuting pakikipaglaban. 19 Gawin mo ito para magkaroon ka ng pananampalataya at isang mabuting budhi. Binalewala ito ng ilang mga tao at natulad sa pagkawasak ng barko ang kanilang pananampalataya. 20 Tulad nina Himeneo at Alejandro, na ibinigay ko kay Satanas upang matuto silang hindi lumapastangan.
Chapter 2
1 Kaya una sa lahat, ipinakikiusap ko na ang mga kahilingan, mga panalangin, mga panalangin para sa iba at mga pasasalamat ay maipaabot para sa lahat ng tao, 2 para sa mga hari at sa lahat ng mga nasa kapangyarihan, upang tayo ay makapamuhay ng mapayapa at tahimik na may buong kabanalan at karangalan. 3 Ito ay mabuti at katanggap-tanggap sa harap ng ating Diyos na tagapagligtas. 4 Ninanais niya na ang lahat ng tao ay maligtas at magkaroon ng kaalaman tungkol sa katotohanan. 5 Sapagkat may iisang Diyos at iisang tagapamagitan sa Diyos at sa tao, ang taong si Cristo Jesus. 6 Ibinigay niya ang kaniyang sarili bilang katubusan sa lahat, bilang patotoo sa tamang panahon. 7 Sa kadahilanang ito, ako, si Pablo, ay naging tagapagturo at apostol. Nagsasabi ako ng katotohanan. Hindi ako nagsisinungaling. Ako ang tagapagturo ng mga Gentil sa pananampalataya at katotohanan. 8 Kaya, nais ko na ang lahat ng kalalakihan sa bawat lugar na manalangin at itaas ang kanilang mga banal na kamay ng walang galit at mga pag-aalinlangan. 9 Gayundin, nais ko ang mga kababaihan na magsuot ng nararapat na kasuotan ng may kahinhinan at pagpipigil sa sarili. Hindi sila dapat magtirintas ng buhok, o maglagay ng ginto, o perlas, o magsuot ng mamahaling damit. 10 Nais ko silang magsuot ng kung ano ang angkop sa mga kababaihan na nagpapahayag ng pagiging maka-diyos sa pamamagitan ng mga mabubuting gawa. 11 Dapat matuto ang babae ng may pananahimik at nang buong pagpapasakop. 12 Hindi ko pinahihintulutan ang isang babae na magturo o pamahalaan ang isang lalaki ngunit mamuhay sa katahimikan. 13 Sapagkat unang nilikha si Adan bago si Eba. 14 At si Adan ay hindi nalinlang, ngunit lubos na nadaya ang babae sa pagsuway. 15 Gayunman, maliligtas siya sa pamamagitan ng panganganak, kung sila ay magpapatuloy sa pananampalataya, sa pag-ibig at kabanalan na may mahinahon na kaisipan.
Chapter 3
1 Ang pahayag na ito ay mapagkakatiwalaan: Kung sinuman ang nagnanais na maging tagapangasiwa, nagnanais siya ng mabuting gawa. 2 Kaya ang tagapangasiwa ay dapat walang kapintasan. Dapat maging asawa siya ng isang babae. Dapat siya ay mahinahon, matalino, matino, at magiliw sa mga panauhin. Dapat may kakayahan siyang magturo. 3 Dapat hindi sugapa sa alak, hindi marahas, kundi marahan, payapa. Hindi maibigin sa pera. 4 Kailangang maayos niyang pinamamahalaan ang kaniyang sambahayan, at kailangang sinusunod siya ng kaniyang mga anak nang may buong paggalang. 5 Sapagkat kung ang lalaki ay hindi alam kung paano niya pamahalaan ang kaniyang sariling sambahayan, paano niya mapangangalagaan ang iglesiya ng Diyos? 6 Dapat hindi siya baguhang mananampalataya, upang hindi siya maging mapagmataas at mahulog sa paghahatol kagaya ng diyablo. 7 Kailangang mabuti rin ang kaniyang reputasyon sa mga nasa labas, upang hindi siya mahulog sa kahihiyan at sa bitag ng diyablo. 8 Gayon din, dapat marangal ang mga diakono, hindi dalawa ang salita. Dapat hindi sila umiinom ng sobrang alak o maging sakim. 9 Dapat nilang ingatan ang naipahayag na katotohanan ng pananampalataya na may malinis na budhi. 10 Dapat mapatunayan muna silang karapat-dapat, pagkatapos dapat silang maglingkod dahil sila ay walang sala. 11 Gayun din ang mga babae, dapat maging marangal. Dapat hindi sila mapanirang-puri. Dapat mahinahon at tapat sila sa lahat ng bagay. 12 Ang mga diakono ay dapat maging mga asawa ng isang babae. Dapat mahusay nilang pinamamahalaan ang kanilang mga anak at sambahayan. 13 Para sa mga naglingkod ng mahusay ay nakamit na nila para sa kanilang sarili ang mabuting katayuan at malaking tiwala sa pananampalataya na nakay Cristo Jesus. 14 Sinusulat ko ang mga bagay na ito sa iyo, at umaasa akong makapunta sa iyo sa lalong madaling panahon. 15 Ngunit kung maaantala ako, sumusulat ako upang iyong malaman kung paano kumilos ng wasto sa sambahayan ng Diyos, na siyang iglesiya ng buhay na Diyos, ang haligi at saligan ng katotohanan. 16 At hindi maikakaila na ang katotohanang inihayag ng pagkamaka-diyos ay dakila: "Nagpakita siya sa laman, pinatunayang matuwid ng Espiritu, nakita ng mga anghel, ipinahayag sa mga bansa, pinaniwalaan sa mundo, at itinaas sa kaluwalhatian."
Chapter 4
1 Ngayon maliwanag na sinasabi ng Espiritu na sa mga huling panahon may mga taong tatalikod sa pananampalataya at sila ay makikinig sa mga mandarayang espiritu at sa mga katuruan ng mga demonyo 2 sa kasinungalingan at pagpapaimbabaw. Ang kanilang mga budhi ay mamarkahan. 3 Ipagbabawal nila ang pag-aasawa at pagtanggap ng mga pagkaing nilikha ng Diyos upang ipamahagi ng mga mananampalataya at nakakaalam ng katotohanan. 4 Sapagkat lahat ng mga bagay na nilikha ng Diyos ay mabuti. Walang anuman na tinatanggap natin nang may pasasalamat ang dapat na tanggihan. 5 Sapagkat inihahandog ito sa pamamagitan ng salita ng Diyos at panalangin. 6 Kung iyong ilalagay ang mga bagay na ito sa harapan ng mga kapatid, ikaw ay magiging mabuting lingkod ni Jesu-Cristo. Sapagkat ikaw ay pinalakas sa pamamagitan ng mga salita ng pananampalataya at sa pamamagitan ng mabuting katuruan na iyong sinunod. 7 Ngunit tanggihan mo ang mga maka-mundong kuwento na gustong-gusto ng mga matatandang babae. Sa halip, sanayin mo ang iyong sarili sa pagiging maka-diyos. 8 Sapagkat ang pagsasanay ng katawan ay may kaunting pakinabang, ngunit ang pagiging maka-diyos ay mapapakinabangan sa lahat ng bagay. Ito ay may pinanghahawakang pangako ngayon at sa buhay na darating. 9 Ang mensaheng ito ay mapagkakatiwalaan at lubos na katanggap-tanggap. 10 Sapagkat dahil dito tayo ay nagsusumikap at gumagawang mainam. Sapagkat may pagtitiwala tayo sa buhay na Diyos, na siyang Tagapagligtas ng lahat ng tao, lalo na sa mga mananampalataya. 11 Ipahayag mo at ituro ang mga bagay na ito. 12 Huwag hayaan ang sinuman na maliitin ang iyong kabataan. Sa halip, maging halimbawa ka sa mga sumasampalataya, sa pananalita, pag-uugali, pag-ibig, katapatan, at sa kalinisan. 13 Hanggang sa ako ay dumating, manatili ka sa pagbabasa, sa pagpapaliwanag, at sa pagtuturo. 14 Huwag mong pabayaan ang kaloob na nasa iyo, na ipinagkaloob sa iyo sa pamamagitan ng propesiya, kasama ang pagpapatong ng mga kamay ng mga nakakatanda. 15 Ingatan mo ang mga bagay na ito. manatili ka sa mga ito, upang makita ang iyong pag-unlad ng lahat ng mga tao. 16 Ingatan mo ang iyong sarili at ang iyong pagtuturo. Magpatuloy ka sa mga bagay na ito. Sapagkat kung gagawin mo ito, maililigtas mo ang iyong sarili at sila na nakikinig sa iyo.
Chapter 5
1 Huwag mong pagsalitaan nang masama ang lalaking nakakatanda sa iyo. Sa halip, pangaralan mo siya na tulad sa ama. Pangaralan mo ang mga nakakabatang lalaki na parang mga kapatid. 2 Pangaralan mo ang mga nakatatandang babae na parang ina at mga nakakabatang babae na parang mga kapatid nang buong kalinisan. 3 Parangalan mo ang mga balo, ang mga tunay na balo. 4 Ngunit kung ang balo ay may mga anak o di kaya mga apo, matuto muna silang ipakita ang paggalang sa kanilang sariling sambahayan. Suklian muna nila ang kanilang mga magulang, sapagkat ito ay kalugod-lugod sa Panginoon. 5 Ngunit ang tunay na balo ay naiwang nag-iisa. Nagtitiwala siya sa Diyos. Lagi siyang nananatili na may mga kahilingan at mga panalangin araw at gabi. 6 Gayunman, ang babaeng namumuhay sa kalayawan ay patay na, kahit na siya ay nabubuhay pa. 7 At ipangaral mo ang mga bagay na ito upang sila ay maging walang kapintasan. 8 Ngunit kung mayroong hindi nagbibigay sa kaniyang sariling kamag-anak, lalo na sa kaniyang sariling sambahayan, itinanggi niya ang pananampalataya at mas masahol pa sa hindi mananampalataya. 9 Itala bilang isang balo ang babaeng hindi bababa sa animnapu ang edad, asawa ng isang lalaki. 10 Dapat siyang makilala sa kaniyang mabubuting gawa, maging sa pag-aalaga ng mga bata, o sa pagpapatuloy ng mga taga-ibang bayan, o sa paghuhugas ng paa ng mga mananampalataya, o sa pagtulong sa mga nagdurusa, o sa pagiging tapat sa bawat mabubuting gawain. 11 Ngunit sa mga mas batang balo, tanggihan mo silang itala sa listahan. Dahil kapag sila ay bumigay sa pagnanasa ng laman laban kay Cristo ay nais nilang mag-asawa. 12 Sa pamamagitan nito, pinahihintulutan nila ang kasalanan dahil tinalikuran nila ang una nilang pangako. 13 Nasanay din silang maging tamad. Pumupunta din sila sa mga bahay-bahay. Hindi lang sila naging tamad, ngunit sila din ay naging mga mapanirang-puri at naging mapanghimasok. Sinasabi nila ang mga bagay na hindi nila dapat sabihin. 14 Kaya naman gusto ko ang mga mas batang babae na mag-asawa, manganak, upang mamahala sa tahanan, upang hindi mabigyan ng pagkakataon ang kaaway na tayo ay paratangan sa paggawa ng masama. 15 Dahil may mga ilan na tuluyan nang tumalikod at napunta na kay Satanas. 16 Kung ang mananampalatayang babae ay may kamag-anak na mga balo, tulungan niya sila upang ang iglesiya ay hindi mabigatan at matulungan nito ang tunay na mga balo. 17 Hayaan ang mga nakatatanda na namumuno ng maayos ay ituring na karapat-dapat sa mas mataas na parangal, lalo na ang mga gumagawa sa salita at sa pagtuturo. 18 Sapagkat sinasabi sa kasulatan, "Huwag mong bubusalan ang baka habang gumigiik ng butil," at "Ang manggagawa ay karapat-dapat sa kaniyang kabayaran." 19 Huwag kang tatanggap ng paratang laban sa nakatatanda maliban na lang kung may dalawa o tatlong saksi. 20 pagsabihan mo ang mga makasalanan sa harapan ng lahat upang matakot ang iba. 21 Taimtim kong inuutos sa iyo sa harap ng Diyos, ni Cristo Jesus, at ng mga piling anghel na ingatan mo ang mga kautusang ito ng walang kinikilingan, at gawin mo ito ng walang tinatangi. 22 Huwag mo kaagad ipatong ang iyong kamay kaninuman. Huwag kang makibahagi sa mga kasalanan ng ibang tao. Panatilihin mong dalisay ang iyong sarili. 23 Huwag lamang tubig ang iyong inumin. Sa halip uminom ka ng konting alak para sa iyong sikmura at sa iyong madalas na pagkakasakit. 24 Ang mga kasalanan ng ibang tao ay lantaran at nauuna ito sa kanila bago pa sa hukuman. Ngunit ang ibang mga kasalanan ay sumusunod pagkatapos na. 25 Gayon din naman, ang ibang mabubuting gawa ay lantaran, ngunit may mga ilan na hindi maitatago.
Chapter 6
1 Hayaan ang lahat ng nasa ilalim ng pamatok ng pagiging mga alipin na kilalanin nila ang kanilang mga amo ng karapat-dapat sa buong paggalang. Dapat nilang gawin ito upang ang pangalan ng Diyos at ang katuruan ay hindi malapastangan. 2 Ang mga alipin na may among mananampalataya ay huwag silang lapastanganin dahil sila ay magkapatid. Sa halip, sila ay dapat paglingkurang mabuti. Sapagkat ang mga amo na natutulungan nila sa kanilang gawain ay mga mananampalataya at minamahal. Ituro mo at ipahayag ang mga bagay na ito. 3 Kung mayroong magtuturo ng kakaiba at hindi tinanggap ang ating tapat na tagubilin, na ang mga Salita ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Kung hindi nila tanggapin ang katuruan na nagdadala sa pagiging maka-diyos. 4 Ang taong ito ay mapagmataas at walang nalalaman. Sa halip, sakit na niya ang manuligsa at makipagtalo tungkol sa mga salita. Ang mga salitang ito ay humahantong sa pagkainggit, pagtatalo, mga insulto, mga masamang akala, at 5 patuloy na pag-aawayan sa pagitan ng mga taong baluktot ang mga pag-iisip. Tumalikod sila sa katotohanan. Iniisip nila na ang pagiging maka-diyos ay isang paraan upang yumaman." 6 Ngayon ang pagiging maka-diyos na may kapanatagan ay may malaking pakinabang. 7 Sapagkat wala tayong dinalang anuman dito sa mundo. wala rin tayong madadala na anumang bagay. 8 Sa halip, masiyahan tayo sa pagkain at pananamit. 9 Ngayon sa mga gustong yumaman mahuhulog sila sa tukso, sa isang bitag. Sila ay mahuhulog sa kamangmangan at masamang pagnanasa, at sa anumang sisira at wawasak sa mga tao. 10 Sapagkat ang pag-ibig sa pera ay ugat ng lahat ng uri ng kasamaan. Ang ilang mga taong nagnais nito ay nailigaw sa kanilang pananampalataya at tinutusok nila ang kanilang sarili nang labis na kapighatian. 11 Ngunit ikaw, na lingkod ng Diyos, layuan mo ang mga bagay na ito. Sikapin mo ang katuwiran, pagiging maka-diyos, katapatan, pag-ibig, pagtitiis, at kahinahunan, 12 Lumaban ka ng mabuting pakikipaglaban sa pananampalataya. Panghawakan mo ang buhay na walang hanggan kung saan ka tinawag. Tungkol dito nagpatotoo ka sa harap ng maraming mga saksi kung ano ang mabuti. 13 Ibinibigay ko sa iyo ang utos na ito sa harap ng Diyos, na siyang dahilan nang lahat ng bagay para mabuhay, at sa harapan ni Cristo-Jesus, na siyang nagsabi ng katotohanan kay Poncio Pilato: 14 ingatan mong mabuti ang mga kautusan, ng walang kapintasan, hanggang sa pagpapakita ng ating Panginoong Jesu- Cristo. 15 Ipapahayag ng Diyos ang kaniyang pagpapakita sa tamang panahon--ang Diyos, ang Pinagpala, ang nag-iisang kapangyarihan, ang Hari na siyang naghahari, ang Panginoong namumuno. 16 Siya lamang ang walang kamatayan at nananahan sa hindi malapitang liwanag. Walang sinumang tao na nakakita sa kaniya o kaya ay may kakayahang makita siya. Sa kaniya ang karangalan at walang hanggang kapangyarihan. Amen. 17 Sabihin mo sa mayayaman sa mundong ito na huwag magmataas, at huwag umasa sa kayamanan, na walang katiyakan. Sa halip, dapat silang umasa sa Diyos. Na nagkakaloob sa atin ng tunay na kayamanan upang ikagalak. 18 Sabihin mo sa kanila na gumawa ng mabuti, at magpakayaman sa mabubuting mga gawa, maging mapagbigay, at handang mamahagi. 19 Sa paraang iyan, sila ay mag-iipon para sa kanilang sarili ng mabuting pundasyon sa kung anong darating, upang makamit nila ang tunay na buhay. 20 Timoteo, pangalagaan mo kung ano ang mga naibigay sa iyo. Umiwas ka sa mga walang kabuluhang mga usapan at mga pagtutuligsa na sinasabing maling kaalaman. 21 May ibang mga tao na nagpapahayag ng mga bagay na ito kaya marami sa kanila ang nailihis sa pananampalataya. Sumasaiyo nawa ang biyaya.