Ang Mangangaral
Chapter 1
1 Ito ang mga salita ng Mangangaral, ang anak ni David at hari sa Jerusalem. 2 Sabi ng Manganagaral. "Tulad ng isang singaw ng ambon, tulad ng isang simoy sa hangin, lahat ay maglalaho, mag-iiwan ng maraming katanungan. 3 Anong mapapala ng sangkatauhan mula sa lahat ng gawain na kanilang pinaghirapan sa ilalim ng araw? 4 Isang angkan ang lumilipas, at isa namang angkan ang dumarating, ngunit mananatili ang daigdig magpakailanman. 5 Sumisikat ang araw at lumulubog ito at nagmamadaling babalik sa lugar kung saan muli itong sisikat. 6 Umiihip ang hangin sa timog at magpapaikot-ikot hanggang sa hilaga, laging lilibot sa ganitong landas at magpapabalik-balik muli. 7 Umaagos patungo sa dagat ang lahat ng mga ilog, ngunit ang dagat ay di mapupuno. Kung saan patungo ang ilog, doon muli ito tutungo. 8 Ang lahat ay nakakapagod, at wala ni isa man makapagpapaliwanag nito. Ang mata ay walang kasiyahan sa nakikita nito, ni tainga man ay napupuno ng naririnig nito. 9 Anuman ang nangyari ay siya rin ang mangyayari, at anuman ang nagawa ay siyang magagawa. Walang bago sa ilalim ng araw. 10 Mayroon bang anumang bagay na maaaring masabi, 'Masdan mo, ito ay bago'? Anuman ang nangyayari ay nangyari na sa matagal na panahon, noong mga panahong nauna pa sa atin. 11 Tila wala ni isa man ang nakakaalala sa mga bagay na naganap sa sinaunang panahon. At ang mga bagay na nangyari sa nauna pang panahon at ang mangyayari sa hinaharap ay malamang na hindi rin maaalala." 12 Ako ang Mangangaral, at ako ay naging hari ng buong Israel sa Jerusalem. 13 Inilaan ko ang aking pag-iisip sa pag-aaral at pagsisiyasat gamit ang karunungan sa lahat ng ginawa sa ilalim ng kalangitan. Ang pagsisiyasat na iyon ay isang mabigat na gawain na ibinigay ng Diyos sa mga anak ng tao upang pagka-abalahan. 14 Nakita ko ang lahat ng gawaing ginanap sa ilalim ng araw, at masdan, lahat ng mga ito ay magiging singaw at isang pagtangkang habulin ang hangin. 15 Ang baluktot ay hindi na maitutuwid. Ang nawala ay hindi na mabibilang. 16 Sinabi ko sa aking puso, "Masdan, ang nakamit kong karunungan ay higit kaysa mga nauna sa akin sa Jerusalem. Nakita ng aking isip ang malawak na karunungan at kaalaman. 17 Kaya inilagay ko sa aking puso na matutunan ang karunungan at maging kabaliwan at kahangalan din. Naintindihan ko rin na ito ay isang pagtangkang habulin ang hangin. 18 Dahil sa kasaganaan ng karunungan ay maraming kabiguan, at siya na nagdaragdag nang kaalaman ay nagdaragdag nang kalungkutan.
Chapter 2
1 Sinabi ko sa aking puso, "Pumarito ka ngayon, susubukin kita sa kasayahan. Kaya magsawa ka sa kalayawan." Ngunit masdan, ito rin ay pansamantala lamang. 2 Sabi ko tungkol sa halakhak, "ito ay kabaliwan," at tungkol sa kasiyahan, "Anong silbi nito" 3 Sinaliksik ko sa aking puso kung paano ko mapagbibigyan ang aking mga pagnanasa sa pag-inom ng alak. Hinayaan kong gabayan ako ng karunungan kahit na pinanghahawakan ko pa rin ang kahangalan. Nais kong malaman kung ano ang makabubuti para sa tao na gawin sa ilalim ng kalangitan sa mga araw ng kanilang mga buhay. 4 Nagawa ko ang mga dakilang bagay. Nagtayo ako ng mga bahay para sa aking sarili at nagtanim ng mga ubasan. 5 Nagtayo ako ng mga hardin at mga liwasan para sa aking sarili; sa loob ng mga ito ay nagtanim ako nang lahat ng uri ng bungang kahoy. 6 Lumikha ako ng mga lawa ng tubig upang diligan ang isang kagubatan kung saan naglalakihan ang mga puno. 7 Bumili ako ng mga aliping lalaki at aliping babae; mayroon akong mga aliping isinilang sa aking palasyo. Mayroon din akong mga malalaking pag-aari na mga bakahan at mga kawan, higit na marami kaysa sa sinumang haring namuno sa Jerusalem bago ako. 8 Nakapag-ipon ako para sa aking sarili ng pilak at ginto, ang mga kayamanan ng mga hari at mga lalawigan. Mayroon akong mga lalaki at babaeng mang-aawit para sa aking sarili; sa pagmamagitan ng maraming asawa at mga iba pang babaeng kinakasama, ginawa ko ang mga bagay na maaaring magdulot nang kaligayahan sa sinumang lalaki sa ibabaw ng mundo. 9 Kaya ako ay naging higit na dakila at mas mayaman kaysa sa lahat ng nauna sa akin sa Jerusalem, at ang aking karunungan ay nanatili sa akin. 10 Anuman ang hangarin ng aking mga mata, hindi ako nagpipigil sa kanila. Hindi ko pinipigil ang aking puso sa anumang kasiyahan, dahil ang puso ko ay natuwa sa lahat ng pinaghihirapan ko, at ang kasiyahan ay ang aking gantimpala sa lahat ng aking gawain. 11 Pagkatapos minasdan ko ang lahat ng mga gawain na tinapos gawin ng aking mga kamay, at sa pinagsikapang gawin, ngunit muli, ang lahat ng bagay ay parang singaw at isang pagtangkang habulin ang hangin. Wala itong pakinabang sa ilalim ng araw. 12 Pagkatapos bumaling ako para pagtuunan ang karunungan, gayundin ang kabaliwan at kahangalan. Para ano ang maaaring gawin ng susunod na hari, na hindi pa rin nagagawa? 13 Pagkatapos nagsimula kong maunawaan na ang karunungan ay mayroong kalamangan sa kamangmangan, gaya ng liwanag na mas mabuti kaysa kadiliman. 14 Ang matalinong tao ay ginagamit ang kaniyang mga mata sa kaniyang ulo para makita ang kaniyang patutunguhan, pero ang mangmang ay naglalakad sa kadiliman, kahit na alam kong iisang kapalaran ang nakalaan sa lahat. 15 Pagkatapos sinabi ko sa aking puso, "Kung ano ang mangyayari sa mangmang ay mangyayari rin sa akin. Kaya anong mayroong pagkakaiba kung ako ay napakatalino?" Napagpasyahan ko na sa aking puso, "Ito man ay parang singaw lamang." 16 Para sa matalinong tao, tulad ng mangmang, ay hindi na maaalala sa mahabang panahon. Sa mga darating na mga panahon ang lahat ay matagal na kalilimutan. Ang taong matatalino ay mamamatay katulad lang ng mangmang. 17 Kaya kinamuhian ko ang buhay dahil lahat ng ginawa sa ilalaim ng araw ay masama para sa akin. Ito ay dahil ang lahat ay parang singaw at isang pagtangkang habulin ang hangin. 18 Kinamuhian ko ang lahat ng aking natupad na aking pinaghirapan sa ilalim ng araw dahil kailangang iwanan ko sila sa taong susunod sa akin. 19 At sino ang nakakaalam kung siya ay magiging matalinong tao o isang mangmang? Gayunman siya ay magiging panginoon sa lahat ng bagay sa ilalim ng araw kung saan naitayo ang aking gawa at naitatag ang aking karunungan. Ito rin ay usok. 20 Dahil doon nag-umpisang malungkot ang aking puso sa lahat ng paghihirap na aking ginawa sa ilalim ng araw. 21 Sapagkat maaaring may isang taong gumagawa nang may karunungan, may kaalaman, at kahusayan, ngunit iiwan niya ang lahat na mayroon siya sa isang taong walang nagawa sa anuman dito. Ito rin ay usok at isang malaking kapahamakan. 22 Para sa anong pakinabang ang makukuha ng tao na nagsisikap magtrabaho at sa kaniyang puso ay pinipilit tapusin ang kaniyang mga gawain sa ilalim ng araw? 23 Bawat araw, ang kaniyang trabaho ay masakit at mahirap, kaya sa gabi ang kaniyang kaluluwa ay hindi makahanap nang kapahingahan. Ito rin ay usok. 24 Walang mabuti sa isang tao maliban lamang sa kumain at uminom at masiyahan sa kung ano ang mabuti sa kaniyang ginagawa. Nakita ko na ang katotohanang ito ay nagmumula sa kamay ng Diyos. 25 Kaya sino ang makakakain o sino ang magkakamit ng kahit anong uri nang kasiyahan na hiwalay sa Diyos? 26 Kaya sa isang taong nagbibigay lugod sa kaniya, ibinibigay ng Diyos ang karunungan, kaalaman at kagalakan. Gayun man, sa makasalanan ibinibigay niya ang gawain ng pag-iipon at pagtatabi para maaari niyang ibigay ito sa isang taong nagbibigay kaluguran sa Diyos. Ito rin ay katumbas ng singaw at isang pagtangkang habulin ang hangin.
Chapter 3
1 Sa lahat ng mga bagay ay mayroong isang itinakdang panahon, at isang kapanahunan sa bawat layunin sa ilalim ng langit. 2 Panahon ng kapanganakan at panahon ng kamatayan, panahon ng pagtatanim at panahon ng pagbubunot ng mga pananim, 3 panahon ng pagpatay at panahon ng pagpapagaling, panahon ng paggiba at panahon ng pagtatayo, 4 panahon ng pag-iyak at panahon ng pagtawa, panahon ng pagtangis at panahon ng pagsayaw, 5 panahon ng paghahagis ng mga bato at panahon ng pag-iipon ng mga bato, panahon na pagyakap sa ibang tao, at panahong hindi pagyakap, 6 panahon sa paghahanap sa mga bagay at panahon ng paghinto sa paghahanap, panahon ng pag-iingat ng mga bagay at panahon ng pagtatapon ng mga bagay, 7 panahon ng pagpunit ng kasuotan at panahon ng pananahi ng kasuotan, panahon ng pananahimik at panahon ng pagsasalita, 8 panahon ng pag-ibig at panahon ng pagkamuhi, panahon ng digmaan at panahon ng kapayapaan. 9 Anong pakinabang ang makukuha ng manggagawa sa kaniyang gawain? 10 Nakita ko na ang gawain na ibinigay ng Diyos sa tao para tapusin. 11 Ginawang angkop ng Diyos ang lahat ng bagay para sa bawat panahon. Inilagay din niya ang kawalang hanggan sa kanilang mga puso. Ngunit hindi nauunawaan ng sangkatauhan ang mga gawang ginawa ng Diyos, mula sa simula hanggang sa wakas. 12 Alam ko na walang mabuti sa isang tao maliban sa magsaya at gumawa nang kabutihan habang siya ay nabubuhay— 13 at ang bawat isa ay dapat kumain at uminom, at dapat maunawaan kung paano matuwa sa kabutihang nagmumula sa lahat ng kanyang ginawa. Ito ay isang kaloob mula sa Diyos. 14 Alam ko na anuman ang ginawa ng Diyos ay magtatagal magpakailanman. Walang maaaring maidagdag pa o maalis, dahil ang Diyos ang siyang gumawa dito upang lumapit ang mga tao sa kaniya nang may karangalan. 15 Anuman ang nangyayari ay nangyari na; anuman ang mangyayari pa ay nangyari na. Hinahayaan ng Diyos na hanapin ng tao ang mga nakatagong bagay. 16 At nakita ko sa ilalim ng araw na kasamaan ang nangyayari kung saan dapat naroon ang katarungan, at sa lugar nang katuwiran, kasamaan ay madalas matagpuan. 17 Sinabi ko sa aking puso, "Hahatulan ng Diyos ang matuwid at ang masama sa tamang panahon sa bawat bagay at sa bawat ginawa. 18 Sinabi ko sa aking puso, "Sinusubok ng Diyos ang tao para ipakita sa kanila na sila ay tulad ng mga hayop. 19 Dahil parehong kapalaran ang nagaganap sa mga tao na nagaganap sa mga hayop. Katulad ng mga hayop, ang mga tao ay lahat namamatay. Lahat sila ay dapat ihinga ang parehong hangin, upang sa gayong paraan ang mga tao ay walang kalamangan sa mga hayop. Hindi ba ang lahat ng bagay ay isang mabilis na paghinga lamang. 20 Lahat ng bagay ay mapupunta sa iisang lugar. Lahat ng bagay ay nagmula sa alabok, at lahat ng bagay ay nagbabalik sa alabok. 21 Sinong nakakaalam kung ang kaluluwa ng mga tao ay mapupunta paitaas at ang kaluluwa ng mga hayop ay mapupunta sa lupa? 22 Kaya muli kong naunawaan na walang mainam sa kahit na sinong tao kundi magalak sa kaniyang gawain, dahil ito ang kaniyang bahagi. Sino ang maaaring magpabalik sa kaniya upang maipakita kung ano ang magaganap pagkatapos niya?
Chapter 4
1 Minsan inisip ko ang tungkol sa lahat nang pag-uusig na ginagawa sa ilalim ng araw. Pagmasdan ang mga luha ng mga taong inusig. Wala silang taga-aliw. Ang kapangyarihan ay nasa kamay ng kanilang mang-uusig, ngunit walang taga-aliw ang mga taong inuusig. 2 Kaya binabati ko ang mga patay na tao, silang mga namatay na, hindi ang nabubuhay, sila na nanatiling buhay pa. 3 Subalit, mas mapalad kaysa sa kanilang dalawa ang isang hindi pa nabubuhay, ang isang hindi nakakita ng anumang masamang gawain na ginawa sa ilalim ng araw. 4 Pagkatapos aking nakita na ang bawat paggawa at bawat mahusay na paggawa ay kinaiingitan ng kanilang kapwa. Ito rin ay parang singaw at isang pagtangkang habulin ang hangin. 5 Ang mangmang ay naghahalupkipkip ang kaniyang mga kamay at hindi gumagawa, kaya ang kaniyang pagkain ay kaniyang sariling laman. 6 Ngunit mas mabuti ang isang dakot na pakinabang sa matahimik na gawain kaysa dalawang dakot ng gawain na sinusubukang habulin ang hangin. 7 Pagkatapos muli kong naisip ang tungkol sa marami pang walang kabuluhan, marami pang naglalahong usok sa ilalim ng araw. 8 Mayroong isang uri ng tao na nag-iisa. Wala siyang kahit na sino, walang anak o kapatid. Walang katapusan ang lahat ng kaniyang gawain, at ang kaniyang mga mata ay hindi nasisiyahan sa pagdami ng kayamanan. Nagtataka siya, "Para kanino ang aking pagbubungkal at inaalis sa sarili ko ang kasiyahan? Ito rin ay usok, isang masamang kalagayan. 9 Ang gawain ng dalawang tao ay mas mabuti kaysa sa isa; sabay silang makikinabang sa isang mainam na kabayaran sa kanilang gawain. 10 Kapag nabuwal ang isa, maaaring ibangon ng isa ang kaniyang kaibigan. Subalit, kalungkutan ang sumusunod sa nag-iisa kapag nabuwal siya kung walang magbabangon sa kaniya. 11 At kung ang dalawa ay magkasamang mahihiga, maaari silang mainitan, ngunit paanong maaaring mainitan ang nag-iisa. 12 Ang isang taong nag-iisa ay maaaring madaig, ngunit maaring mapagtagumpayan ng dalawa ang isang pagsalakay, at ang isang tatlong ikit na lubid ay hindi agad malalagot. 13 Mainam pa ang maging isang mahirap pero matalinong kabataan kaysa sa isang matanda at hangal na haring hindi na marunong makinig sa mga babala. 14 Ito ay totoo kahit maging hari ang kabataang mula sa bilangguan, o kahit ipinanganak siyang mahirap sa kaniyang kaharian. 15 Subalit, nakita ko ang lahat nang nabubuhay at naglilibot sa ilalim ng araw ipinapasailalim ang kanilang mga sarili sa isa pang kabataang tumayo bilang hari. 16 Walang katapusan ang lahat ng taong nais sundin ang bagong hari, pero kalaunan marami sa kanila ay hindi na pupuri sa kaniya. Sigurado ang kalagayang ito ay parang singaw at isang pagtangkang habulin ang hangin.
Chapter 5
1 Ingatan ang inyong pag-uugali kapag kayo ay nasa tahanan ng Diyos. Magtungo doon para makinig. Mas mabuti ang pakikinig kaysa mga handog ng mga mangmang habang hindi nalalaman na ang kanilang ginagawa sa buhay ay masama. 2 Huwag agad-agad magsasalita ang inyong bibig, at huwag hayaan ang inyong puso ay agad-agad maghain ng anumang bagay sa harapan ng Diyos. Ang Diyos ay nasa langit, ngunit ikaw ay nasa ibabaw ng mundo, kaya hayaang kakaunti ang iyong mga salita. 3 Kapag ikaw ay napakaraming ginagawa at iniintindi, ikaw ay maaaring magkaroon ng mga masamang panaginip. At habang dumadami ang iyong sinasabi, lalong dumadami ang mga kahangalang maaaring masasabi mo pa. 4 Kapag ikaw ay mamamanata sa Diyos, huwag patagalin ang pagtupad nito, dahil walang kasiyahan ang Diyos sa mga mangmang. Gawin ang iyong panata. 5 Mas mainam pa na hindi magbigay ng isang panata kaysa magbigay ng isa na hindi mo naman matutupad. 6 Huwag hayaan ang inyong mga bibig ay magdulot ng kasalanan sa inyong katawan. Huwag ninyong sabihin sa tagapagbalita ng pari, “Ang panatang iyon ay isang pagkakamali." Bakit ginagalit ang Diyos sa maling panata, hinahamon ang Diyos upang wasakin ang gawa ng iyong mga kamay? 7 Kaya sa maraming mga panaginip, katulad ng maraming mga salita, ito ay walang kabuluhang parang singaw. Kaya matakot sa Diyos. 8 Kapag nakikita mong inaapi ang mahihirap at pinagnanakawan ng katarungan at wastong pagtrato sa iyong lalawigan, huwag magtaka na para bang walang nakaka-alam, dahil mayroong mga taong nasa kapangyarihan na nangangalaga sa kanilang nasasakupan at mayroon pang mas mataas sa kanila. 9 Karagdagan pa, ang ani ng lupain ay para sa lahat, at nakikinabang ang hari mismo sa ani mula sa mga bukirin. 10 Sinumang nagmamahal sa pilak ay hindi masisiyahan sa pilak, at sinuman ang nagmamahal sa yaman ay maghahangad pa nang marami. Ito din ay parang singaw. 11 Habang nadaragdagan ang kasaganaan, gayon din naman ang mga taong nangangailangan nito. Anong pakinabang sa may-ari ng yaman ang mayroon ito kundi pagmasdan ito ng kaniyang mga mata? 12 Ang tulog ng isang manggagawa ay mahimbing, kahit kaunti ang kinain o napakarami, ngunit ang kayamanan ng taong mayaman ay hindi siya pinahihintulutang matulog nang mahimbing. 13 Mayroon isang malubhang kasamaan na aking nakita sa ilalim ng araw: mga kayamanang inimbak ng may-ari, nagdudulot ng sarili niyang kapighatian. 14 Kapag nawala ng mayaman na tao ang kaniyang kayamanan dahil sa kamalasan, ang sarili niyang anak, na kaniyang inaruga ay walang naiwang anuman sa kaniyang mga kamay. 15 Gaya ng isang taong ipinanganak nang hubad mula sa sinapupunan ng kaniyang ina, gayon din hubad niyang iiwan ang buhay na ito. Walang madadala ang kaniyang kamay mula sa kaniyang paggawa. 16 Isa pang malubhang kasamaan ay kung paanong dumating ang isang tao, gayon din siya dapat umalis. Kaya anong pakinabang ang makukuha ng sinuman na gumagawa para sa hangin? 17 Sa kaniyang kapanahunan, kumakain siya kasama ang kadiliman at lubhang balisa sa kaniyang karamdaman at galit. 18 Pagmasdan mo, ang nakita kong mabuti at karapat-dapat ay kumain at uminom at magsaya sa pakinabang mula sa lahat ng ating gawain, habang tayo ay gumagawa sa ilalim ng araw sa lahat ng mga araw nitong buhay na ibinigay ng Diyos sa atin. Dahil ito ang bahagi ng tao. 19 Ang sinumang pinagkalooban ng Diyos ng kayamanan, kasaganaan at ang kakayahang tanggapin ang kaniyang bahagi at magalak sa kaniyang gawain – ito ay isang kaloob mula sa Diyos. 20 Sapagkat hindi niya madalas inaalala ang mga araw ng kaniyang buhay, dahil ginagawa ng Diyos na siya ay maging abala sa mga bagay na nasisiyahan niyang gawin.
Chapter 6
1 Mayroon akong nakitang masama sa ilalim ng araw, at ito ay malubha para sa mga tao. 2 Maaaring magbigay ang Diyos ng kayamanan, kasaganaan at karangalan sa isang tao upang hindi siya magkulang sa mga hinahangad niya para sa kaniyang sarili, ngunit pagkatapos, hindi ibibigay ng Diyos ang kakayahan upang magsaya sa mga ito. Sa halip, iba pa ang makikinabang ng kaniyang mga kagamitan. Ito ay parang singaw, isang masamang kalungkutan. 3 Kung ang isang lalaki ay maging ama ng isang daang anak at mabuhay ng maraming taon, sa gayon ang mga araw ng kaniyang mga taon ay marami, ngunit kung hindi nasiyahan ang kaniyang puso sa kabutihan at siya ay hindi inilibing nang may karangalan, kaya aking sasabihin na ang isang sanggol na patay ipinanganak ay mas mabuti pa kaysa sa kaniya. 4 Kahit pa ang isang sanggol ay isinilang nang walang kabuluhan at mamamatay sa kadiliman at ang kaniyang pangalan ay mananatiling lihim. 5 Kahit hindi na nakita ng batang ito ang araw o nalaman ang anumang bagay, ito ay may kapahingahan bagaman ang taong iyon ay wala. 6 Kahit mabubuhay ang isang tao ng dalawang libong taon ngunit hindi matutunang matuwa sa mabuting mga bagay, mapupunta siya sa parehong lugar kagaya ng iba pa. 7 Kahit na lahat ng gawain ng isang tao ay para punuin ang kaniyang bibig, gayon man ang kaniyang gana sa pagkain ay hindi mapupunan. 8 Kaya, anong pakinabang mayroon ang matalinong tao na higit pa sa hangal? Anong pakinabang mayroon ang isang mahirap na tao kahit pa malaman niya kung paano kumilos sa harapan ng iba? 9 Mabuti pang masiyahan sa nakikita ng mga mata kaysa sa paghahangad ng isang lumalawak na pananabik sa pagkain, na para ring singaw at isang pagtangkang habulin ang hangin. 10 Anumang bagay ang naririto ay nabigyan na ng kaniyang pangalan, at nalalaman na kung ano ang katulad ng sangkatauhan. Kaya walang saysay makipagtalo sa isang makapangyarihang hukom ng lahat. 11 Kapag mas maraming sinasabi, lalong walang kabuluhan, kaya ano nga ba pakinabang niyan sa isang tao? 12 Dahil sino ang nakakaalam ng mabuti sa buhay ng tao sa kaniyang walang kabuluhan at bilang na mga araw na kaniyang dadaanan tulad ng isang anino? Sino ang makapagsasabi sa isang tao kung ano ang sasapitin sa ilalim ng araw pagkatapos siyang mamatay?
Chapter 7
1 Ang mabuting pangalan ay mas mahalaga sa mamahaling pabango at ang araw ng kamatayan ay higit na mabuti sa araw nang kapanganakan. 2 Mas mabuting magtungo sa lamayan kaysa bahay ng kasayahan, dahil dumarating sa lahat ng tao ang pagluluksa sa katapusan ng buhay, kaya dapat ilagay ito sa puso ng mga taong nabubuhay pa. 3 Ang kalungkutan ay mas mabuti sa katuwaan, dahil pagkatapos ng kalungkutan ng mukha sasapit ang kagalakan ng puso. 4 Ang puso ng matalino ay nasa bahay ng pagluluksa, ngunit ang puso ng mangmang ay nasa bahay nang kasayahan. 5 Mas mabuting makinig sa pagsuway ng matalino kaysa pakinggan ang awit ng mga mangmang. 6 Dahil tulad ng nasusunog na mga tinik sa ilalim ng isang palayok, gayon din ang halakhak ng mga mangmang. Ito man ay usok. 7 Tunay na ang pangingikil ay nagpapamangmang sa mga matatalinong tao, at ang suhol ay nagdudungis ng puso. 8 Mas mabuti ang katapusan ng isang bagay kaysa sa simula; at ang taong may diwang mahinahon ay mas mabuti kaysa ang palalong kaisipan. 9 Huwag madaling magalit sa iyong diwa, dahil naninirahan ang galit sa puso ng mga mangmang. 10 Huwag sabihin, "Bakit ang mga nakaraang mga araw ay mas mabuti kaysa sa mga ito? Ngunit ito ay hindi dahil sa karunungan kaya tinanong n'yo ito. 11 Ang karunungan ay kasing-inam ng mahahalagang mga bagay na ating minana mula sa ating mga ninuno. Nagdudulot ito ng mga pakinabang sa mga nakakakita sa araw. 12 Sapagkat ang karunungan ay nagdudulot ng pangangalaga gaya ng pagdudulot ng salapi nang pangangalaga, ngunit ang kalamangan ng kaalaman ay nagbibigay ng buhay ang karunungan sa sinumang mayroon nito. 13 Pag-isipan ang mga ginawa ng Diyos: Sino ang maaaring magtuwid ng anumang bagay na ginawa niyang baluktot? 14 Kapag mabuti ang mga panahon, masayang mamuhay sa kabutihang iyon, ngunit kapag masama ang mga panahon, pag-isipan ito: ipinahintulot ng Diyos na magkatabing mamalagi ang dalawang ito. Sa kadahilanang ito, walang isa man ang makakaalam ng anumang bagay na darating sa kaniya. 15 Nakita ko ang maraming bagay sa aking walang kahulugang mga panahon. Mayroong mga matuwid na taong naglalaho sa kabila ng kanilang pagkamakatuwiran, at mayroong masasamang taong nabubuhay nang mahabang buhay kahit na sila ay masama. 16 Huwag maging mapagmatuwid sa sarili, matalino sa iyong sariling mga mata. Bakit dapat mong sirain ang iyong sarili? 17 Huwag maging napakasama o mangmang. Bakit dapat kang mamatay ng wala pa sa iyong oras? 18 Makakabuti na iyong panghahawakan ang karunungang ito, at huwag nang ilalayo ang iyong mga kamay sa katuwiran. Dahil ang taong may takot sa Diyos ay makatutupad sa lahat ng kaniyang mga tungkulin. 19 Ang karunungan ay makapangyarihan sa matalinong tao, higit pa sa sampung pinuno ng isang lungsod. 20 Walang isang matuwid na tao sa ibabaw ng mundo na gumagawa nang kabutihan at kailanman hindi nagkasala. 21 Huwag mong pakinggan ang bawat salitang sinasabi, dahil maaaring mong marinig ang sumpa ng alipin mo sa iyo. 22 Sapagkat madalas ding nalalaman ng iyong sarili na sa iyong puso ay malimit mong sinusumpa ang iba. Katulad nang pagkilala mo sa iyong sarili na sa iyong sariling puso ay madalas mong sumpain ang iba. 23 Ang lahat ng ito ay napatunayan ko sa pamamagitan ng karunungan. Sinabi ko, "Magiging matalino ako," ngunit ito ay higit sa ninais ko. 24 Napakalayo at napakalalim ng karunungan. Sino ang makakahanap nito? 25 Ibinaling ko ang aking puso sa pag-aaral at pagsusuri at pagsaliksik sa karunungan at ang mga paliwanag ng katotohanan, at maunawaan na ang kasamaan ay kahangalan at ang kamangmangan ay kabaliwan. 26 Natuklasan ko na mas mapait kaysa kamatayan ang sinumang babae na ang puso ay puno ng mga patibong at mga bitag at ang kaniyang mga kamay ay mga tanikala. Sinumang nakalulugod sa Diyos ay makakatakas sa kaniya, ngunit ang makasalanan ay makukuha niya. 27 "Pag-isipan kung ano ang aking natuklasan," sabi ng Mangangaral. Idinadagdag ko ang isang natuklasan sa iba pa para magkaroon ng isang paliwanag ng katotohanan. 28 Ito pa rin ang aking hinahanap, ngunit hindi ko pa rin ito natatagpuan. May natagpuan akong isang matuwid na lalaki sa gitna ng isang libo, ngunit hindi ko natagpuan ang isang babae sa kanilang lahat. 29 Natuklasan ko ang isang ito: na nilikha ng Diyos ang sangkatauhan na matuwid, ngunit sila ay lumayong naghahanap sa maraming kahirapan.
Chapter 8
1 Ano ang isang taong matalino? Ito ay isang taong nakakaalam ng kahulugan ng mga kaganapan sa buhay. Ang karunungan sa isang tao ay nagpapaningning ng kaniyang mukha, at ang katigasan sa kaniyang mukha ay nagbabago. 2 Pinapayuhan ko kayong sundin ang utos ng hari dahil sa pangako ng Diyos na ipagtatanggol siya. 3 Huwag magmadaling lumayo sa harapan niya at huwag kang mamalagi sa maling bagay, dahil magagawa ng hari ang anumang ninanais niya. 4 Ang salita ng hari ay maghahari, kaya sino ang magsasabi sa kaniya, "Ano ang iyong ginagawa?" 5 Sinumang sumusunod sa mga utos ng hari ay lumalayo sa kapahamakan. Ang isang matalinong puso ng tao ay nakikilala ang nararapat na landas at oras ng pagkilos. 6 Sapagkat sa bawat bagay ay mayroong wastong pagtugon at oras sa pagtugon, dahil ang mga kaguluhan ng tao ay napakalaki. 7 Walang nakakaalam kung ano ang susunod. Sino ang makapagsasabi sa kaniya kung ano ang susunod? 8 Walang may kapangyarihang pigilan ang paghinga ng hangin ng buhay, at walang may kapangyarihan sa araw ng kaniyang kamatayan. Walang tinitiwalag sa hanay ng hukbo habang nasa isang digmaan, at ang kasamaan ay hindi magliligtas sa mga alipin nito. 9 Naintindihan ko ang lahat ng ito; inilagay ko sa aking puso ang bawat uri ng gawa na naganap sa ilalim ng araw. Mayroong isang panahon kung saan ang isang tao ay may kakayahang gumawa ng masama sa iba. 10 Kaya nakita kong lantarang inilibing ang masama. Sila ay dinala mula sa lugar at inilibing saka pinuri ng mga tao sa lungsod kung saan nila ginagawa ang masasamang mga gawain. Ito rin ay walang pakinabang. 11 Kapag ang isang hatol sa isang masamang krimen ay hindi agad ipinatupad, hinihikayat nito ang puso ng taong gumawa ng masama. 12 Kahit isang daang ulit gumagawa ng masama ang isang makasalanan at nabubuhay pa rin sa mahabang panahon, gayon man alam ko na magiging mabuti sa mga gumagalang sa Diyos, siyang pinararangalan ang kaniyang presensiya sa kanila. 13 Ngunit hindi magiging mabuti sa isang taong masama; ang kaniyang buhay ay hindi pahahabain. Ang kaniyang mga araw ay katulad ng isang naglalahong anino dahil hindi niya pinararangalan ang Diyos. 14 May isa pang walang silbing usok - isang bagay pa na naganap sa ibabaw ng mundo. Ang mga bagay na nangyayari sa taong matuwid ay nangyayari din sa taong masama, at ang mga bagay na nangyayari sa taong masama ay nangyayari din sa taong matuwid. Sinasabi ko na ito rin ay walang silbing parang singaw. 15 Kaya ipinayo ko ang kasayahan, dahil ang isang tao ay walang mas mabuting gawin sa ilalim ng araw maliban sa kumain at uminom at maging masaya. Itong kasiyahan ang makakasama niya sa kaniyang gawain sa lahat ng mga araw ng kaniyang buhay na ibinigay ng Diyos sa kaniya sa ilalim ng araw. 16 Nang ginamit ko ang aking puso upang malaman ang karunungan at maunawaan ang gawaing naganap sa ibabaw ng mundo, ang gawaing madalas nagaganap nang walang tulog para sa mga mata sa gabi o sa araw, 17 at namasdan ko lahat ng gawain ng Diyos at hindi maunawaan ng tao ang gawaing ginawa sa ilalim ng araw. Gaano man ang pagsisikap ng tao para hanapin ang mga kasagutan, hindi niya ito mahahanap. Kahit na sa paniwala ng isang matalino ay alam na niya ang lahat, sa totoo lang hindi niya alam.
Chapter 9
1 Dahil inisip kong mabuti ang lahat ng mga ito para maintindihan ang mga matuwid at matalino at ang kanilang mga gawa. Lahat sila ay nasa mga kamay ng Diyos. Dahil walang nakakaalam kung pag-ibig o pagkamuhi ang darating sa isang tao. 2 Ang lahat ng tao ay may parehong kapalaran. Parehong kapalaran ang naghihintay sa mga matuwid na tao at makasalanan, mabuting mga tao at masama, ang malinis at marumi, at ang nag-aalay at ang hindi nag-aalay. Tulad ng pagkamatay ng mabubuting tao, ganoon din ang makasalanan. Tulad ng pagkamatay ng nanunumpa, ganoon din ang taong takot gumawa ng panunumpa. 3 Mayroong masamang kapalaran para sa lahat ng ginawa sa ilalim ng araw, isang tadhana para sa lahat ng tao. Ang mga puso ng tao ay puno ng kasamaan, at kahibangan ay nasa kanilang mga puso habang sila ay nabubuhay. Kaya pagkatapos noon, pumupunta sila sa mga patay. 4 Dahil mayroon pang pag-asa para sa nabubuhay, katulad ng buhay na aso na mas maigi pa kaysa sa patay na leon. 5 Dahil alam ng mga nabubuhay na tao na mamamatay sila, ngunit walang alam ang mga patay. Wala na silang gantimpala dahil ang kanilang alaala ay nakalimutan na. 6 Ang kanilang pag-ibig, pagkamuhi, at inggit ay matagal nang naglaho. Hindi na sila magkakaroon ng lugar sa anumang bagay na ginawa sa ilalim ng araw. 7 Humayo ka, masaya mong kainin ang tinapay mo, at inumin ang alak mo nang may masayang puso, dahil pinapayagan ng Diyos ang pagdiriwang ng mga mabubuting gawa. 8 Lagi mong panatilihing puti ang iyong mga damit at ang iyong ulo ay pinahiran ng langis. 9 Masaya kang mamuhay kasama ang iniibig mong asawa sa lahat ng araw ng buhay mo nang walang pakinabang, ang mga araw na ibinigay sa iyo ng Diyos sa ilalim ng araw sa mga araw nang walang pakinabang. Iyon ang gantimpala ng buhay mo para sa ginawa mo sa ilalim ng araw. 10 Anuman ang gawin ng mga kamay mo, gawin mo ito gamit ang iyong lakas, dahil walang gawain o paliwanag o kaalaman o karunungan sa libingan, ang lugar kung saan ka pupunta. 11 Nakakita ako ng ilang kawili-wiling bagay sa ilalim ng araw: Ang takbuhan ay hindi para sa mabibilis na tao. Ang labanan ay hindi para sa malalakas na tao. Ang tinapay ay hindi para sa matatalinong tao. Ang kayamanan ay hindi para sa mga taong may pang-unawa. Ang pabor ay hindi para sa mga taong may kaalaman. Sa halip, ang oras at pagkakataon ang nakakaapekto sa kanilang lahat. 12 Dahil walang nakakaalam ng oras ng kaniyang pagkamatay, tulad ng isda na nahuli sa lambat ng kamatayan, o katulad ng mga ibon na nahuli sa patibong. Katulad ng mga hayop, ang mga tao ay nakakulong sa masasamang panahon na biglang dumarating sa kanila. 13 Nakita ko rin ang karunungan sa ilalim ng araw sa paraan na kahanga-hanga para sa akin. 14 Mayroong isang maliit na lungsod na may kaunting mamamayan, at may isang malakas na haring dumating laban dito, sinalakay ito at nagtayo ng mga malalaking rampang pangsalakay dito. 15 Ngayon sa lungsod na iyon, mayroong isang mahirap na matalinong lalaki, na sa pamamagitan ng kaniyang karunungan ay nailigtas niya ang lungsod. Ngunit kinalaunan, walang nakaalala sa mahirap na taong iyon. 16 Kaya pinagpalagay ko, "Ang karunungan ay mas mainam kaysa sa kalakasan, ngunit ang karunungan ng mahirap na tao ay hinamak at ang kaniyang mga salita ay hindi pinakinggan." 17 Ang mga salita ng matatalino na sinabi nang pabulong ay mas naririnig kaysa sa mga sigaw ng sinumang pinuno sa mga mangmang. 18 Ang karunungan ay mas mabuti kaysa sa mga sandata sa digmaan, ngunit kayang sirain ng isang makasalanan ang maraming kabutihan.
Chapter 10
1 Katulad ng mga patay na langaw na nagpapabaho ng pabango, ganoon din ang munting kamangmangan ay kayang mahigitan ang karunungan at karangalan. 2 Ang puso ng matalinong tao ay papunta sa kanan, ngunit ang puso ng mangmang ay papunta sa kaliwa. 3 Kapag naglalakad ang mangmang sa lansangan, kulang ang kaniyang pag-iisip, pinatutunayan sa lahat na siya ay mangmang. 4 Kapag ang mga damdamin ng pinuno ay sumiklab laban sa iyo, huwag mong iwan ang gawain mo. Kayang patahimikin ng kahinahunan ang labis na galit. 5 May nakita akong kasamaan sa ilalim ng araw, isang uri ng pagkakamali na nanggagaling sa isang pinuno: 6 Ang mga mangmang ay binibigyan ng posisyon sa pagkapinuno, habang ang mga taong matagumpay ay binibigyan ng mababang posisyon. 7 Nakakita ako ng mga alipin na nakasakay sa mga kabayo, at ang mga taong matagumpay ay naglalakad na parang mga alipin sa lupa. 8 Sinuman ang nagbubungkal ng hukay ay maaaring mahulog dito, at kapag mayroong sumisira sa pader, maaari siyang kagatin ng ahas. 9 Sinuman ang nagtatapyas ng bato ay masasaktan nito, at ang taong nagpuputol ng kahoy ay nanganganib dito. 10 Kung ang talim ng bakal ay mapurol, at hindi ito hinahasa ng isang tao, kailangan niyang gumamit nang mas maraming lakas, ngunit nagbibigay ng kalamangan ang karunungan para sa katagumpayan. 11 Kung ang ahas ay nanuklaw bago pa ito mapaamo, walang kalamangan para sa nang-aamo. 12 Magiliw ang mga salita ng bibig ng matalinong tao, ngunit nilululon ang mangmang ng kaniyang sariling mga labi. 13 Sa pag-agos ng mga salita mula sa bibig ng mangmang, ang kamangmangan ay lumalabas, at sa huli umaagos sa bibig niya ang masamang kahibangan. 14 Pinaparami ng mangmang ang mga salita, ngunit walang nakakaalam kung ano ang paparating. Sino ang nakaaalam kung ano ang parating pagkatapos niya? 15 Pinapagod ng mga mabibigat na gawain ang mga mangmang, kaya hindi man lang nila alam ang daan papuntang bayan. 16 Mayroong gulo sa inyong lupain kapag bata pa ang inyong hari, at ang mga pinuno ninyo ay magdiriwang sa umaga! 17 Ngunit masaya ang lupain kapag ang hari ay anak ng mga maharlika, at kumakain ang mga pinuno ninyo kapag oras na ng kainan at ginagawa nila iyon para lumakas, hindi para sa paglalasing! 18 Dahil sa katamaran nalalaglag ang bubong, at dahil sa mga tamad na kamay may tagas ang bahay. 19 Naghahanda ang mga tao ng pagkain para sa pagtawa, nagbibigay ng kasiyahan sa buhay ang alak, at pinupuno ng pera ang pangangailangan sa lahat ng bagay. 20 Huwag mong sumpain ang hari, kahit sa iyong isipan, at huwag mong sumpain ang mayayaman sa iyong silid-tulugan. Sapagkat maaaring dalhin ng ibon sa himpapawid ang mga salita mo; maaaring ikalat ng anumang may pakpak ang bagay na iyon.
Chapter 11
1 Magtapon ka ng tinapay sa katubigan, at makikita mo ulit ito pagkatapos ng ilang araw. 2 Ibahagi ito sa pito, maging sa walong tao, dahil hindi mo alam kung anong mga sakuna ang darating sa mundo. 3 Kung puno ng ulan ang mga ulap, ipinapatak ito sa lupa, at kung natumba ang puno sa dakong timog o hilaga, saan man ito natumba, doon ito mananatili. 4 Sinuman ang pinanonood ang hangin ay maaaring hindi makapagtanim, at sinuman ang pinanonood ang ulap ay maaaring hindi makapag-ani. 5 Kung paanong hindi mo alam kung saan manggagaling ang hangin, maging kung paano lumalaki ang mga buto ng sanggol sa sinapupunan ng kaniyang ina, gayon din hindi mo rin mauunawaan ang gawa ng Diyos, na siyang lumikha ng lahat. 6 Sa umaga, itanim mo ang binhi; hanggang sa gabi, magtrabaho ka gamit ang iyong mga kamay ayon sa pangangailangan, dahil hindi mo alam kung alin ang sasagana, umaga man o gabi, o ito o iyan, o pareho man silang magiging mabuti. 7 Tunay nga na matamis ang liwanag, at kaaya-ayang makita ng mga mata ang araw. 8 Kung may taong mabubuhay ng maraming mga taon, hayaan mo siyang sumaya sa lahat ng iyon, ngunit hayaan mo siyang isipin ang paparating na mga araw ng kadiliman, dahil marami sila. Lahat ng darating ay naglalahong usok. 9 Magalak ka, batang lalaki, sa iyong kabataan, at hayaang magalak ang iyong puso sa mga araw ng iyong kabataan. Ipagpatuloy ang mga mabubuting hangarin ng iyong puso at anumang nakikita ng iyong mga mata. Gayunpaman, isipin mo na hahatulan ka ng Diyos para sa lahat ng mga bagay na ito. 10 Palayasin mo ang galit mula sa iyong puso, at huwag mong pansinin ang anumang sakit ng iyong katawan, dahil ang kabataan at ang lakas nito ay usok.
Chapter 12
1 Alalahanin mo rin ang iyong Manlilikha sa araw ng iyong kabataan, bago dumating ang araw ng paghihirap, at bago dumating ang mga taon na sasabihin mong, "Hindi ako nasisiyahan sa kanila," 2 bago dumilim ang liwanag ng araw at buwan at mga bituin, at bumalik ang mga maiitim na ulap pagkatapos ng ulan. 3 Iyon ang panahon na manginginig ang mga tagapagbantay ng palasyo, at yuyuko ang mga malalakas na tao, at ang mga babaeng nagdidikdik ay titigil dahil kaunti sila, at ang mga tumatanaw sa mga bintana ay hindi na makakakita nang malinaw. 4 Iyon ang panahon na isasara ang mga pinto sa lansangan, at titigil ang tunog ng pagdidikdik, kapag nasisindak ang mga lalaki sa tinig ng ibon, at kapag lumilipas na ang mga kanta ng mga babae. 5 Iyon ang panahon na matatakot ang mga lalaki sa mga matataas na lugar at sa mga kapahamakan sa lansangan, kapag sumagana ang puno ng pili, at kapag hinahatak ng mga tipaklong ang mga sarili nila, at kapag naglaho ang mga likas na pagnanasa. Pagkatapos, pupunta ang tao sa kaniyang walang hanggang tahanan at ang mga nagdadalamhati ay tutungo sa mga lansangan. 6 Alalahanin mo ang iyong Manlilikha bago maputol ang pilak na tali, o madurog ang gintong mangkok, o mabasag sa batis ang lalagyan ng tubig, o masira ang gulong ng tubig sa balon, 7 bago bumalik ang alabok sa lupa kung saan ito nanggaling, at bumalik sa Diyos ang espiritu na siyang nagbigay nito. 8 "Usok," ang sabi ng Mangangaral, "ang lahat ay naglalahong usok." 9 Ang Mangangaral ay matalino, at tinuruan niya ang mga tao nang kaalaman. Inaral, inisip at iniayos niya ang maraming kawikaan. 10 Hinangad ng Mangangaral na magsulat ng mga malinaw at tuwid na mga salita nang katotohanan. 11 Ang mga salita ng mga matatalinong tao ay parang mga panusok. Gaya ng mga pako na ibinaon nang malalim ang mga salita ng mga dalubhasa sa maraming mga kawikaan na itinuro ng isang pastol. 12 Aking anak, maging maingat ka sa mas higit na mga bagay: ang paggawa ng maraming libro, na walang katapusan. Ang matinding pag-aaral ay nagbibigay pagod sa katawan. 13 Sa huli, pagkatapos marinig ang lahat ng bagay, ay dapat kang matakot sa Diyos at ingatan ang kaniyang mga utos, dahil ito ang buong tungkulin ng sangkatauhan. 14 Dahil hahatulan ng Diyos ang bawat gawain, kasama ang bawat nakatagong bagay, mabuti man ito o masama.