Isaias
Chapter 1
1 Ang pangitain ni Isaias, anak ni Amos, na kaniyang nakita patungkol sa Judah at Jerusalem, sa mga araw ni Uzias, Jotam, Ahaz at Hezekias, ang mga hari ng Juda. 2 Makinig kayong mga langit, at pakinggan mo ako lupa; dahil nagsalita si Yahweh: "Nag-alaga at nag-aruga ako ng mga bata pero nagrebelde sila sa akin. 3 Kilala ng baka ang nagmamay-ari sa kaniya, at alam din ng asno ang pakainan ng kaniyang amo, pero ang Israel hindi, hindi nakauunawa ang Israel. 4 Nakalulungkot --ang mga bansa, mga makasalanan, mga taong lubog sa kasalanan, mga anak ng mga mapaggawa ng masama, mga anak ng tiwali! Iniwan nila si Yahweh, kinasuklaman nila ang Banal ng Israel, lumayo sila mula sa kaniya. 5 Bakit pa kayo nasasaktan? Bakit pa kayo nagrerebelde nang paulit-ulit? May sakit ang inyong buong ulo, nanghihina ang buong puso niyo. 6 Mula talampakan hanggang sa ulo, walang bahagi na katawan niyo ang walang pinsala; mga gasgas, at pasa at mga sariwang sugat; hindi sila nagsara, ni nilinisan, ni ginamot o nilagyan ng langis. 7 Wasak ang bansa niyo; sinunog ang mga lungsod niyo; sa harapan niyo, sinisira ng mga dayuhan ang lupain niyo; iniwan nila itong wasak at sira-sira, pinabagsak ng mga dayuhan. 8 Ang anak na babae ng Sion, iniwan na parang kubo sa ubasan, gaya ng isang silong sa hardin ng pipino, gaya ng isang lungsod na sinakop. 9 Kung hindi nag-iwan si Yahweh ng mga hukbo ng ilan sa ating mga kababayan, naging tulad na sana tayo ng Sodoma, naging gaya tayo ng Gomorra. 10 Dinggin niyo ang salita ni Yahweh, kayong mga tagapamahala ng Sodoma; makinig kayo sa batas ng ating Diyos, kayong bayan ng Gomorra: 11 "Ano ang silbi ng marami ninyong mga alay sa akin?" sabi ni Yahweh. "Sawa na ako sa mga tupa, at taba ng mga hayop na sinunog niyo para ihandog; at sa dugo ng toro, tupa at kambing, hindi ako nalulugod. 12 Sa tuwing lalapit kayo sa harapan ko, sinong nagsabi sa inyo na maaari niyong yurakan ang aking mga patyo? 13 Huwag na kayong magdala ng mga handog na walang halaga; kasuklam-suklam sa akin ang insenso; ang mga pagtitipon niyo tuwing bagong buwan at araw ng pamamahinga --hindi ko na matiis ang lahat ng makasalanan niyong mga pagtitipon. 14 Namumuhi ako sa mga bagong buwan at mga pista ninyo; pabigat sila sa akin; pagod na akong tiisin sila. 15 Kaya sa tuwing itinataas ninyo ang mga kamay ninyo, tinatago ko ang mga mata ko sa inyo; kahit na nag-alay kayo ng maraming panalangin, hindi ako makikinig; puno ng dugo ang mga kamay ninyo. 16 Maghugas kayo, linisin ninyo ang mga sarili niyo; alisin ninyo ang kasamaan sa mga gawain ninyo sa paningin ko; tigilan ninyo na ang pagiging masama; 17 alamin ninyo paano maging mabuti; isulong ninyo ang katarungan, tulungan niyo ang mga inaapi, bigyan ninyo ng katarungan ang mga walang ama, protektahan ninyo ang mga balo." 18 "Halika at pag-usapan natin ito," sabi ni Yahweh; "bagaman ang mga kasalanan ninyo ay tulad ng iskarlata, magiging kasing-puti ng bulak ang mga ito; bagaman pula sila tulad ng krimson, magiging tulad sila ng lana. 19 Kung handa kayo at susunod, kakainin ninyo ang maiinam na bunga ng lupain. 20 Pero kung magmamatigas kayo at magrerebelde, lalamunin kayo ng espada dahil ang bibig ni Yahweh ay nagsalita." 21 Naging babaeng bayaran ang tapat na lungsod! Siya na dating puno ng katarungan ay puno ng katuwiran, pero ngayon puno siya ng mamamatay-tao. 22 Naging marumi ang mga pilak ninyo, at ang alak ninyo hinaluan ng tubig. 23 Mga rebelde at kasama ng mga magnanakaw ang mga prinsipe niyo; ang bawat isa, nagnanais ng suhol at naghahabol ng bayad. Hindi nila pinoprotektahan ang mga ulila, maging ang mga hinaing pang-legal ng mga balo sa kanilang harapan. 24 Kaya, ito ang pahayag ng Diyos, si Yahweh ng mga hukbo, ang Magiting ng Israel: "Kaawa-awa sila! Maghihiganti ako laban sa mga kaaway ko, at ipaghihiganti ko ang aking sarili laban sa mga kalaban ko; 25 itutuon ko sa inyo ang kamay ko para alisin ang kalawang sa inyo at para tanggalin ang lahat ng karumihan ninyo. 26 Ibabalik ko ang mga hukom ninyo gaya noon, at ang mga taga-payo ninyo gaya noong simula; matapos nito, tatawagin kayong lungsod ng katuwiran, isang tapat na bayan. 27 Mababawi ang Sion sa pamamagitan ng katarungan, maging ang mga nagsisisi sa pamamagitan ng katuwiran. 28 Parehong madudurog ang mga rebelde at mga makasalanan, at ang mga tumalikod kay Yahweh ay maglalaho. 29 Dahil ikahihiya ninyo ang banal na mga punong owk na ninais ninyo, at ipapahiya kayo ng mga hardin na pinili ninyo. 30 Dahil magiging tulad kayo ng mga owk, na ang mga dahon ay nalalanta, at tulad ng isang hardin na walang tubig. 31 Ang malakas ay magiging tulad kusot, at ang ginagawa nila ay magiging tulad ng kislap; magkasama silang masusunog at walang aapula sa mga ito."
Chapter 2
1 Ang mga nakita ni Isaias, anak ni Amos, sa isang pangitain patungkol sa Juda at Jerusalem. 2 Sa mga huling araw, ang bundok ng tahanan ni Yahweh ay itataguyod bilang pinakamataas sa mga bundok, at itataas sa tuktok ng mga burol; at dadaloy ang lahat ng bansa mula dito. 3 Maraming tao ang pupunta at magsasabing, "Halika, umakyat tayo sa bundok ni Yahweh, sa tahanan ng Diyos ni Jacob para turuan niya tayo ng kaniyang mga pamamaraan at sa gayon lumakad tayo sa kaniyang landas." Dahil sa Sion magmumula ang batas, at ang salita ni Yahweh mula sa Jerusalem. 4 Hahatulan niya ang mga bansa at magbababa siya ng mga desisyon para sa mga tao; papandayin nila ang mga espada nila para gawing pang-araro at ang mga sibat nila para gawing tabak; hindi na huhugot ng espada ang isang bansa laban sa isang bansa o magsasanay pa para sa digmaan. 5 Lumapit ka, angkan ni Jacob, at lumakad tayo sa liwanag ni Yahweh. 6 Dahil iniwan mo ang iyong bayan, ang angkan ni Jacob, dahil puno sila ng kaugaliang galing sa silangan at sila ay mga manghuhula gaya ng mga Filisteo, at nakikipagkamay sila sa mga anak ng mga dayuhan. 7 Puno ng pilak at ginto ang lupain nila, at walang hanggan ang yaman nila; puno ng mga kabayo ang lupain nila, maging ang mga karwahe nila, hindi rin mabilang. 8 Puno rin ng diyus-diyosan ang lupain nila; sinasamba nila ang mga inukit ng sarili nilang mga kamay, mga bagay na hinulma ng mga daliri nila. 9 Yuyuko ang mga tao at magpapatirapa ang bawat isa; huwag mo silang tanggapin. 10 Pumunta kayo sa mababatong lugar at magtago kayo sa ilalim ng lupa dahil sa pagkatakot kay Yahweh at dahil sa kaluwalhatian at karangyaan niya. 11 Ibababa ang mapagmataas na titig ng mga tao, ibabagsak ang kahambugan ng mga tao at si Yawheh lang ang itataas sa araw na iyon. 12 Dahil darating ang araw ni Yahweh ng mga hukbo laban sa bawat hambog at matatayog, at laban sa mapagmataas, at siya ay babagsak -- 13 at laban sa lahat ng sedar ng Lebanon na mataas at inangat, at laban sa mga owk ng Bashan, 14 at laban sa lahat ng matataas na bundok, at laban sa lahat ng itinaas na burol, 15 at laban sa bawat mataas na tore, at laban sa bawat matitibay na pader, at laban sa mga barko ng Tarsis, 16 at laban sa lahat ng magagandang barkong panglayag. 17 Ang yabang ng tao ay ibababa at ang kapalaluan ng mga tao ay babagsak; tanging si Yahweh lang ang itataas sa araw na iyon. 18 Ganap na maglalaho ang mga diyus-diyosan. 19 Pupunta ang mga tao sa mga kweba ng mga bato at mga butas ng lupa mula sa pagkatakot kay Yahweh, at mula sa kaluwalhatian ng kaniyang karangyaan kapag tumayo siya para sindakin ang mundo. 20 Sa araw na iyon, itatapon ng mga tao ang mga diyus-diyosan nila na yari sa pilak at ginto na ginawa nila para sambahin nila --itatapon nila ito sa mga mowl at paniki. 21 Pupunta ang mga tao sa mga kweba ng mga bato tungo sa siwang ng mga sira-sirang bato, mula sa pagkatakot kay Yahweh at sa kaluwalhatian ng karangyaan niya, kapag tumayo siya para sindakin ang mundo. 22 Huwag na kayong magtiwala sa tao, na ang hininga ng buhay ay nasa mga ilong niya, sapagkat ano ang halaga niya?
Chapter 3
1 Masdan ninyo, aalisin ng Panginoon, si Yahweh ng mga hukbo, ang mga tauhan at kawani ng Juda at Jerusalem; ang lahat ng pinagkukunan ng tinapay, at ang lahat ng pinagkukunan ng tubig; 2 ang magiting, ang mandirigma, ang hukom, ang propeta, ang manghuhula, ang nakatatanda, 3 ang kapitan ng limampu, ang tinitingalang mamamayan, ang tagapayo, ang dalubhasang mang-uukit, ang mahusay na mambabarang. 4 "Magtatalaga ako ng mga kabataan bilang pinuno nila, at ang mga nakababata ang mamamahala sa kanila. 5 Aapihin ang mga tao, bawat isa ng isa pa, at bawat isa ng kapwa nila; buong pagmamataas na tutuligsain ng bata ang nakatatanda, at hahamunin ng mga minamaliit ang mga kagalang-galang. 6 Kukunin maging ng isang lalaki ang kapatid niya mula sa bahay ng kaniyang ama at sasabihing, 'May balabal ka; pamunuan mo kami, at pangasiwaan mo ang kaguluhang ito.' 7 Sa araw na iyon, sisigaw siya at sasabihing, 'Hindi ako magiging manggagamot; wala akong tinapay ni damit. Hindi mo ako maaaring gawing tagapamahala ng mga tao." 8 Sapagkat wasak na ang Jerusalem, at bumagsak ang Juda, dahil ang mga sinasabi nila at ang mga ginagawa nila ay laban kay Yahweh, pagsuway sa marangal niyang kapangyarihan. 9 Ang mga mukha nila ay tumetestigo laban sa kanila; at pinagsasasabi nila ang mga kasalanan nila gaya ng Sodom; hindi nila itinatago ito. Kaaawa-awa sila! Dahil nagdulot sila ng sakuna sa mga sarili nila. 10 Sabihin mo sa matuwid na magiging maayos ang lahat sa kaniya; dahil kakainin niya ang bunga ng mga gawain niya. 11 Kaawa-awa ang masasama! Mamalasin siya, dahil aanihin niya ang ginawa ng mga kamay niya. 12 Bayan ko --mga bata ang nag-uusig, at ang mga babae ang namamahala sa kanila. Bayan ko, nililinlang kayo ng mga pinuno niyo at nililito ang direksyon ng inyong landas. 13 Tumatayo si Yahweh para humatol sa hukuman; tumatayo siya para hatulan ang kaniyang bayan. 14 Ibababa ni Yahweh ang hatol sa mga nakatatanda at sa mga opisyales ng kaniyang bayan: "Kinain niyo ang ubasan; ang mga nakaw sa mahihirap ay nasa inyong mga bahay. 15 Bakit niyo dinudurog ang mga tao at inginungudngod ang mukha ng mahihirap?" Ito ang pahayag ng Panginoon, si Yahweh ng mga hukbo. 16 Sinasabi ni Yahweh na hambog ang mga anak ng babae ni Sion at lumalakad sila nang nakatingala, nang-aakit gamit ang mga mata nila, kunwari'y mahinhing naglalakad, at pinatutunog ang mga palawit sa mga paa nila. 17 Kaya bibigyan ng Diyos ng galis ang mga anak na babae ni Sion, at kakalbuhin sila ni Yahweh. 18 Sa araw na iyon, aalisin ng Panginoon ang magaganda nilang mga alahas sa paa, mga panali nila ng buhok, mga agimat, 19 mga hikaw, mga pulseras at mga belo, 20 mga panakip ng ulo, mga kadena sa paa, ang mga laso, at kahong-kahong pabango at mga pampaswerteng palamuti. 21 Aalisin niya ang mga singsing nila at mga alahas sa ilong; 22 ang mga pangpistang balabal, ang mantel, ang belo, at ang mga sisidlan, 23 ang salamin, ang magandang lino, ang mga palamuti sa ulo at mga pambalot. 24 Sa halip na matamis na pabango, magkakaroon ng masangsang na amoy, at sa halip na laso ay lubid, sa halip na buhok na maganda ang gupit ay pagkakalbo, at sa halip na balabal ay panakip sa sako, at kahihiyan sa halip na kagandahan. 25 Mamamatay ang inyong mga kalalakihan sa espada, at ang malalakas niyong kalalakihan ay babagsak sa digmaan. 26 Ang tarangkahan ng Jerusalem ay magluluksa at maghihinagpis, at mag-isa siyang uupo sa lupa.
Chapter 4
1 Sa araw na iyon, pitong babae ang kukuha ng isang lalaki para maging asawa at magsasabing, "Kami na ang bahala sa sarili naming pagkain, kami na rin ang bahala sa aming isusuot pero hayaan mong dalhin namin ang iyong pangalan para maalis ang aming kahihiyan." 2 Sa araw na iyon, ang sanga ni Yahweh ay gaganda at maluluwalhati, at ang bunga ng lupain ay magiging masarap at kasiya-siya para sa mga nakaligtas sa Israel. 3 Pagkatapos, siya na naiwan sa Sion, at siya na nanatili sa Jerusalem, ang bawat isa na nakatala na naninirahan sa Jerusalem, ay tatawaging banal, 4 kapag nahugasan na ng Panginoon ang karumihan ng mga anak na babae ng Sion, at nalinis na ang mga bakas ng dugo sa kalagitnaan ng Jerusalem, sa pamamagitan ng espiritu ng katarungan at espiritu ng naglalagablab na apoy. 5 Pagkatapos, lilikha si Yahweh ng ulap at usok sa umaga at ningning ng nag-aalab na apoy sa gabi para sa buong kampo sa Bundok ng Sion at sa kaniyang lugar kung saan sila nagtitipon-tipon; isang silungan ng lahat ng kaluwahatian. 6 Magsisilbi itong lilim para sa init sa araw at kublihan at silungan sa bagyo at ulan.
Chapter 5
1 Hayaan mong umawit ako para sa aking pinakamamahal, isang awit ng aking pinakamamahal tungkol sa kaniyang ubasan. Ang aking pinakamamahal ay nagkaroon ng ubasan sa isang napakatabang lupain sa burol. 2 Hinukay niya ito at inalis ang mga bato, at tinaniman ito ng pinakamasasarap na ubas. Nagtayo siya ng isang tore sa gitna nito, at nagtayo rin siya ng isang pigaan ng ubas. Umasa siyang mamumunga ito ng matatamis na ubas, pero namunga ito ng maaasim. 3 Kaya ngayon, mga naninirahan sa Jerusalem at mga mamamayan sa Juda, kayo ang humatol sa akin at sa aking ubasan. 4 Ano pa ang maaari kong gawin na hindi ko nagawa para sa aking ubasan? Nang inasahan kong mamunga ito ng matatamis na ubas, bakit namunga ito ng maaasim? 5 Ngayon, ipaaalam ko sa inyo kung ano ang gagawin ko sa aking ubasan; puputulin ko ang mga halamang nakapaligid dito; gagawin ko itong isang pastulan; wawasakin ko ang pader nito, at tatapak-tapakan ito. 6 Pababayaan ko itong nakatiwangwang, at hindi ito mapuputol ni mabubungkal. Pero tutubuan ito ng madawag at matinik na halaman, uutusan ko rin ang mga ulap na hindi magpaulan dito. 7 Dahil ang ubasan ni Yahweh ng mga hukbo ay ang tahanan ng Israel, at ang mga tao sa Juda ang kaniyang kinasisiyang pananim; naghintay siya ng katarungan, pero sa halip, nagkaroon ng patayan; naghintay siya para sa katuwiran, sa halip, umiiyak na humihingi ng tulong. 8 Kaawa-awa ang mga kumakamkam sa mga bahay-bahay, kumakamkam sa mga bukirin, hanggang wala ng natira para sa iba, at kayo na lang ang nakatira sa lupain! 9 Sinabi sa akin ni Yahweh ng mga hukbo, maraming bahay ang mawawalan ng mga taong nakatira, kahit pa ang mga malalaki at magagandang bahay, ay walang nakatira. 10 Dahil ang sampung ektaryang ubasan ay makapagbibigay lamang ng isang banyerang alak, at ang isang homer ng binhi ay makapagbibigay lamang ng isang epa. 11 Kaawa-awa sila na bumabangon nang maaga para maghanap ng matapang na alak; sila na nagkakasiyahan sa hating-gabi hanggang malunod sila sa kalasingan! 12 Nagsasalo-salo sila ng may alpa, lira, tamburin, plauta, at alak, pero hindi nila kinikilala ang gawa ni Yahweh, ni iniisip ang mga ginawa ng kaniyang mga kamay. 13 Kaya nga, ang bayan ko ay binihag dahil sa kakulangan ng pang-unawa; nagutom ang kanilang mga pinuno, at walang mainom ang kanilang mga tao. 14 Kaya nga lalong naging matakaw ang kamatayan at ibinuka ang bibig nito nang malaki; ang mga maharlika, ang mga tao, ang kanilang mga pinuno at ang mga nagdiriwang at nagsasaya, ay bumagsak sa sheol. 15 Ang tao ay ibinagsak, ang dakila ay ibinaba, at ang mga mata ng mayayabang ay inilugmok. 16 Si Yahweh ng mga hukbo ay itinaas dahil sa kaniyang katarungan, at ang Diyos, ang Banal ay ipinakita ang kaniyang kabanalan sa pamamagitan ng kaniyang katuwiran. 17 Pagkatapos, ang mga tupa ay kakain tulad ng sa sarili nilang pastulan, at sa mga guho ng mayayaman, ang mga batang tupa ay manginginain ng damo. 18 Kaawa-awa sila na hinahatak ang kasamaan gamit ang tali ng kawalan at kinakaladkad ang kasalanan ng lubid ng kariton; 19 sila na nagsasabi, "Hayaan nating magmadali ang Diyos, hayaan natin siyang kumilos agad, para makita natin na mangyayari ito; at hayaan natin na ang mga plano ng Banal ng Israel ay mabuo at dumating, para makilala natin sila!" 20 Kaawa-awa silang nagsasabing mabuti ang kasamaan, at masama ang kabutihan; silang nagsasabing liwanag ang kadiliman, at kadiliman ang liwanag; silang nagsasabing matamis ang mapait, at mapait ang matamis! 21 Kaawa-awa silang matalino sa sarili nilang mga mata, at marunong sa sarili nilang pang-unawa! 22 Kaawa-awa silang mga pasimuno sa pag-inom ng alak, at dalubhasa sa paghahalo-halo ng matatapang na alak; 23 silang nagpapawalang-sala sa masasama kapalit ng kabayaran, at nag-aalis ng karapatan ng mga inosente! 24 Kaya nga, gaya ng pinaggapasan na nilamon ng dila ng apoy at tuyong damo na sinunog, gayundin ang ugat nila ay matutuyot, at bulaklak nito ay tatangayin na parang alikabok, dahil itinakwil nila ang batas ni Yahweh ng mga hukbo, at nilapastangan ang salita ng Banal ng Israel. 25 Kaya nga, ang galit ni Yahweh ay sumiklab laban sa kaniyang bayan, at inabot niya sila ng kaniyang kamay at pinarusahan; nanginig ang mga bundok, at ang kanilang mga bangkay ay naging tulad ng basura sa mga lansangan. Sa kabila ng lahat ng ito, hindi napawi ang kaniyang galit, kaya ang kaniyang kamay ay nakataas pa rin para handang humampas muli. 26 Itataas niya ang bandila na nagbibigay-hudyat para sa malayong bansa at sisipol para sa kanila mula sa dulo ng mundo. Masdan ninyo, magmamadali at maagap silang darating. 27 Walang mapapagod o matitisod sa kanila, walang iidlip ni matutulog; walang matatanggalan ng sinturon, ni masisiraan ng sandalyas; 28 matalim ang kanilang mga palaso at nakaumang na ang lahat ng kanilang mga pana; ang paa ng kanilang mga kabayo ay tulad ng bato, at ang mga gulong ng kanilang karwahe ay tulad ng mga bagyo. 29 Ang kanilang atungal ay magiging tulad sa isang leon; aatungal sila tulad ng mga batang leon. Aatungal sila at susunggaban ang biktima at kakaladkarin ng walang sinuman ang tutulong. 30 Sa araw na iyon, aatungal sila laban sa kanilang biktima gaya ng pag-ugong ng dagat. Kung titingnan ng isang tao ang lupain, kadiliman at kalungkutan ang kaniyang makikita, at tatakpan ng mga ulap ang liwanag.
Chapter 6
1 Sa taon ng kamatayan ni Haring Uzias, nakita ko ang Panginoon na nakaupo sa isang trono; siya ay mataas at nakaangat; at ang laylayan ng kaniyang kasuotan ay bumalot sa templo. 2 Nasa taas niya ang mga serapin, bawat isa ay mayroong anim na pakpak, dalawa ang nakatakip sa kaniyang mukha, at dalawa ang nakatakip sa kaniyang mga paa, at ang dalawa ay ginagamit niya sa paglipad. 3 Bawat isa ay nagsasabi sa isa't isa, "Banal, banal, banal si Yahweh na pinuno ng mga hukbo! Puno ng kaniyang kaluwalhatian ang buong mundo." 4 Nayanig ang mga pinto at mga pundasyon sa mga tinig ng mga nananawagan, at napuno ng usok ang bahay. 5 Pagkatapos sinabi ko, "Kaawa-awa ako! Mapapahamak ako dahil ako ay isang taong marumi ang labi, at namumuhay kasama ng mga taong marurumi ang mga labi, dahil nakita ng aking mga mata ang Hari, si Yahweh, si Yahweh na pinuno ng mga hukbo!" 6 Pagkatapos, isang serapin ang lumipad papalapit sa akin; mayroon siyang hawak na nagbabagang uling na kinuha niya gamit ang panipit mula sa altar. 7 Idinampi niya ito sa aking bibig at sinabi, "Masdan mo, naidampi na ito sa iyong labi; ang iyong kasalanan ay nilinis at tinubos na. 8 Narinig ko ang tinig ng Panginoon na nagsasabing, "Sino ang aking isusugo? Sino ang magpapahayag para sa atin? Pagkatapos sinabi ko, "Narito ako; ako ang iyong isugo." 9 Sinabi niya, "Humayo ka at sabihin mo sa mga taong ito, makinig man kayo, hindi kayo makauunawa; tumingin man kayo, hindi kayo makakikita. 10 Patigasin mo ang puso ng mga taong ito, gawin mong bingi ang kanilang mga tainga, at bulagin mo ang kanilang mga mata para hindi sila makakita o hindi sila makarinig at hindi makaunawa ang kanilang mga puso, at manumbalik sila sa akin at sila ay gagaling." 11 Pagkatapos sinabi ko, "Panginoon, hanggang kailan?" Sumagot siya, "Hanggang sa mawasak ang mga lungsod at mawalan ng naninirahan dito, at mawalan ng tao ang mga bahay, at nakatiwangwang ang lupain, 12 at hanggang ipatapon ni Yahweh ang ang mga tao palayo, at tuluyang mawalan ng pakinabang ang lupain. 13 Manatili man ang ikasampung bahagi ng mga tao roon, muli itong wawasakin; gaya ng isang roble o owk na pinutol at naiwan ang katawan nito, ang banal na binhi naman ay nasa tuod na ito."
Chapter 7
1 Sa panahon ni Ahaz na anak ni Jotam na anak ni Uzias, ang hari ng Juda, si Rezin ang hari ng Aram, at si Peka anak ni Remalias, ang hari ng Israel, ay umakyat sa Jerusalem para makipagdigma, pero hindi sila nagtagumpay. 2 Naibalita sa bahay ni David na nakipagkasundo ang Aram sa Efraim. Kumabog ang dibdib niya pati ng kaniyang bayan, gaya ng mga puno sa gubat na hinahampas ng hangin. 3 Pagkatapos, sinabi ni Yahweh kay Isaias, "Lumabas ka kasama ng iyong anak na si Sear-Yasub para makipagkita kay Ahaz sa dulo ng daluyan ng paliguan sa taas, sa daan kung saan naroon ang lugar na pinaglalabhan ng mga kababaihan. 4 Sabihin mo sa kaniya, 'Mag-ingat ka, at mapanatag, huwag kang matakot at masindak sa dalawang nagbabagang piraso ng mga kahoy na ito at sa nag-aapoy na galit ni Rezin ng Aram, at ni Peka na anak ni Remalias. 5 Ang Aram, Efraim at ang anak ni Remalias ay nagplano ng masama laban sa iyo. Sinabi nila, 6 "Lusubin natin ang Juda at takutin siya, lusubin natin siya at magluklok tayo ng hari doon, ang anak ni Tabeel." 7 Sinasabi ng Panginoong si Yahweh, "Hindi ito magaganap, hindi ito mangyayari, 8 dahil ang kabisera ng Aram ay Damascus, at ang pinuno ng Damascus ay si Rezin. Sa loob naman ng animnapu't limang taon, ang Efraim ay magkakawatak-watak at hindi na muling magiging bayan. 9 Ang kabisera ng Efraim ay Samaria, at ang pinuno ng Samaria ay ang anak ni Remalias. Kung hindi kayo magpapakatatag, tiyak na hindi kayo mananatiling ligtas." 10 Nagsalita muli si Yahweh kay Ahaz, 11 "Humingi ka ng tanda ni Yahweh, ang iyong Diyos; hingin mo ito sa kailaliman o sa kataas-taasan." 12 Pero sinabi ni Ahaz, "Hindi ako hihingi, ni hindi susubukin si Yahweh." 13 Kaya tumugon si Isaias, "Makinig ka, sambahayan ni David. Hindi pa ba sapat para inyo na subukin ang pagtitimpi ng mga tao? Kailangan mo bang subukin din ang pagtitimpi ng aking Diyos? 14 Dahil diyan, ang Panginoon mismo ang magbibigay sa iyo ng tanda: masdan mo, nagbubuntis ang isang babae, magsisilang ng isang sanggol na lalaki, at tatawagin ang kaniyang pangalan na Immanuel. 15 Kakain siya ng namuong gatas at pulot kapag natutunan na niyang tumanggi sa kasamaan at piliin ang kabutihan. 16 Dahil bago matutunan ng bata na tumanggi sa kasamaan at piliin ang kabutihan, wawasakin muna ang lupain ng dalawang hari na kinatatakutan mo. 17 Si Yahweh ay magbibigay sa inyo, sa bayan ninyo at sambahayan ng iyong ama ng mga mga araw na walang katulad simula nang humiwalay ang Efraim sa Juda—ipasasakop niya kayo sa hari ng Asiria." 18 Sa panahong iyon, sisipol si Yahweh para sa isang langaw mula sa malalayong batis sa Ehipto, at isang bubuyog mula sa lupain ng Asiria. 19 Pupunta silang lahat at mananatili sa lahat ng mga bangin, sa bitak ng mga malalaking bato, at lahat ng matitinik na halaman, at sa lahat ng mga pastulan. 20 Sa panahong iyon, mag-aahit ang Panginoon gamit ang labaha na inupahan niya mula sa kabilang ibayo ng Ilog ng Eufrates—sa hari ng Asiria—aahitin niya ang inyong buhok, buhok sa inyong hita; at aahitin niya rin ang inyong balbas. 21 Sa araw na iyon, pananatilihing buhay ng isang lalaki ang isang batang baka at dalawang tupa, 22 at dahil sa kasaganahan ng gatas na kanilang binibigay, kakain siya ng namuong gatas, dahil lahat ng naiwan sa lupain ay kakain ng namuong gatas at pulot. 23 Sa panahong iyon, sa lugar kung saan ang isang libong puno ng ubas ay nagkakahalaga sana ng isang libong salaping pilak, magiging dawagan at puro tinik lang ito. 24 Pupunta roon ang mga kalalakihan para mangaso gamit ang palaso, dahil ang buong lupain ay puro dawag at tinik. 25 Lalayo sila mula sa lahat ng mga burol na kanilang binungkal gamit ang asarol, dahil sa takot sa mga dawag at tinik; pero magiging lugar ito kung saan manginginain ang mga baka at tupa.
Chapter 8
1 Sinabi sa akin ni Yahweh, "Kumuha ka ng malapad na bato at iukit mo dito ang, 'Maher Shalal Has Baz.' 2 Tatawag ako ng mga tapat na mga saksi para magpatotoo para sa akin, ang paring si Urias, at Zacarias na anak ni Jeberequias." 3 Pumunta ako sa babaeng propeta, at siya ay nagbuntis at nagsilang ng anak na lalaki. At sinabi sa akin ni Yahweh, "Pangalanan mo siyang Maher Shalal Has Baz." 4 Sapagkat bago pa lang matutong sumigaw ang bata ng 'Aking tatay' at 'Aking nanay,' ang kayamanan ng Damasco at ang nasamsam ng Samaria ay dadalhin ng hari ng Asiria. 5 Nangusap muli si Yahweh sa akin, 6 "Dahil tinanggihan ng mga tao ang banayad na tubig ng Shiloah, at masaya pa sila kay Rezin at sa anak ni Remalias, 7 kaya ipapadala sa kanila ng Panginoon ang mga tubig ng Ilog, malakas at marami, ang hari ng Asiria at ang lahat ng kaniyang kaluwalhatian. Dadaloy sa lahat ng mga kanal nito at aapaw sa mga pampang, 8 at palulubugin nito ang Juda, babaha at aagos, hanggang sa umabot ito sa inyong mga leeg. Ang kaniyang nakabukang mga pakpak ang tatabon sa buong lupain, Immanuel." 9 Madudurog kayong mga tao ng pira-piraso. Makinig, kayong malalayong bansa: maghanda kayo para sa digmaan at kayo ay dudurugin ng pira-piraso. Ihanda ang inyong sarili at kayo ay dudurugin. 10 Gumawa kayo ng plano, pero hindi ito maisasakatuparan; magbigay kayo ng utos pero hindi ito susundin, dahil ang Diyos ay kasama namin. 11 Nangusap sa akin si Yahweh, ang kaniyang makapangyarihang kamay ay nasa akin, at binalaan akong huwag sumunod sa pamumuhay ng mga taong ito. 12 Huwag ninyong tawaging pagsasabwatan ang alinmang tinuturing na pagsasabwatan ng mga taong ito; huwag kang matakot sa kinakatakutan nila, at huwag kang magpasindak. 13 Si Yahweh ng mga hukbo, pararangalan ninyo siya bilang banal, katatakutan ninyo siya, at siya ang dapat ninyong pangambahan. 14 Siya ay magiging santuaryo; pero siya ay tulad ng isang bato na tatama sa kanila, at isang malaking bato na makakapagpatumba sa dalawang bahay ng Israel. At siya ay magiging patibong at silo sa mamamayan ng Jersusalem. 15 Marami ang matitisod dito, madadapa at masisira, masisilo at mabibihag. 16 Ibalumbon mo ang aking patotoo, selyuhan ang opisyal na tala, at ibigay ito sa aking mga alagad. 17 Maghihintay ako kay Yahweh, siya na itinatago ang kaniyang mukha mula sa bahay ni Jacob; maghihintay ako sa kaniya. 18 Tingnan, ako at ang mga anak na lalaki na binigay sa akin ni Yahweh ang magsisilbing tanda at himala sa Israel mula kay Yahweh ng mga Hukbo, na nananahan sa Bundok ng Sion. 19 Sasabihan ka nila, "Kumunsulta ka sa mga manghuhula at mga salamangkero," silang mga nagsasambit at bumubulong ng mga dasal. Pero hindi ba dapat sa Diyos kumukunsulta ang mga tao? Mas nararapat bang konsultahin nila ang patay para sa mga nabubuhay? 20 Kaya inyong ituon ang inyong atensyon sa batas at patotoo! Kapag hindi nila sinabi ang bagay na ito, ito ay dahil wala silang liwanag ng umaga. 21 Sila ay maglalakbay sa lupain na naghihirap at nagugutom. Kapag sila ay nagutom, magagalit sila at susumpain nila ang kanilang hari at ang Diyos, habang sila ay nakatingala. 22 Pagmamasdan nila ang lupa at makikita ang paghihirap, kadiliman at mapang-aping kalungkutan. Sila ay itataboy tungo sa lupain ng kadiliman.
Chapter 9
1 Mapapawi ang lungkot ng siyang nasa pagdadalamhati. Sa nakaraang panahon, pinahiya niya ang lupain ng Zebulun at ang lupain ng Neftali, pero sa darating na panahon ay gagawin niya itong maluwalhati, ang landas tungo sa dagat, ang malayong dako mula sa Jordan, ang Galilea ng mga bansa. 2 Ang mga taong naglalakad sa dilim ay nakakita ng isang dakilang liwanag; silang mga naninirahan sa lambak ng anino ng kamatayan, ang liwanag ay sumikat sa kanila. 3 Pinarami mo ang bansa, dinagdagan mo ang kanilang kagalakan; nagagalak sila sa iyo gaya nang sa anihan, gaya ng mga kalalakihan kapag pinaghahatian na nila ang nasamsam sa labanan. 4 Dahil ang pasan niyang pamatok, ang kahoy sa kaniyang balikat, ang pamalo ng kaniyang mang-aapi, ay iyong sinira na gaya noong araw sa Midian. 5 Sapagkat ang mga bota ay lumalakad sa kaguluhan, ang damit na nababad sa dugo ay susunugin, bilang pandingas sa apoy. 6 Dahil para sa atin, isang sanggol ang isinilang, isang anak na lalaki ang binibigay; at ang kapamahalaan ay nasa kaniyang balikat; at ang pangalang itatawag sa kaniya ay Kahanga-hangang Taga-payo, Makapangyarihang Diyos, Walang-hanggang Ama, Prinsipe ng Kapayapaan. 7 Sa paglawak ng kaniyang kapamahalaan, mananatili ang kapayapaan, habang siya ay nakaluklok sa trono ni David, sakop ang kaniyang kaharian, patatatagin niya at panatilihin ito nang may katarungan at katuwiran mula ngayon at magpakailanman. Ang kasigasigan ni Yahweh ng mga hukbo ang tutupad nito. 8 Nagpadala ng mensahe ang Panginoon laban kay Jacob, at ito ay naipataw sa Israel. 9 Malalaman ng lahat, maging ng Efraim at ng mga taga-Samaria, na nagmamayabang at nagmamataas sa puso nang sinabi nila, 10 "Nagiba ang mga laryo, pero bubuuin namin muli sa pamamagitan ng inukit na bato; naputol ang mga sikamore, pero magtatanim kami ng mga sedar pamalit sa kanila." 11 Kaya lalabanan siya ni Yahweh, si Rezin, ang kaniyang kalaban, at hihimukin ang kaniyang mga kalabang 12 mga Arameo sa silangan, at ang mga Filisteo sa kanluran. Lalapain nila ang Israel nang may nakabukang bibig. Dahil sa kanyang galit hindi hihinto si Yahweh, at nakataas pa rin ang kaniyang kamay para humampas. 13 Pero hindi babalik ang mga tao sa humampas sa kanila, ni hahanapin si Yahweh ng mga hukbo. 14 Kaya puputulin ni Yahweh mula sa Israel ang ulo at ang buntot, ang sanga ng palma at tangkay, sa loob lang ng isang araw. 15 Ang mga pinuno at ang mga mayayaman ay ang ulo; at ang propetang nagtuturo ng kasinungalingan ay ang buntot. 16 Inililigaw sila ng mga taong nangunguna sa kanila, at ang mga sumunod ay nilamon. 17 Kaya hindi magsasaya ang Diyos sa kanilang mga kabataang lalaki, o kaya magkakaroon ng awa sa mga naulila sa ama at mga balo, dahil ang karamihan ay walang Diyos at masasama, at ang bawat bibig ay nagsasalita ng kahangalan. Dahil sa lahat ng mga ito, ang kaniyang galit ay hindi huhupa, pero nakataas pa rin ang kaniyang kamay para humampas. 18 Ang kasamaan ay tumutupok na parang apoy, inuubos nito ang mga damo at mga tinik; at sinusunog pa nito maging ang kasukalan ng kagubatan, na umaangat ang usok na parang haligi. 19 Sa pamamagitan ng nag-uumapaw na galit ni Yahweh ng mga hukbo ang lupain ay nasunog at ang mga tao ay tulad ng langis para sa apoy. Walang patatakasin sa kaniyang mga kapatid. 20 Hihiwa sila ng laman sa kanilang kanang kamay pero magugutom pa rin sila; kakainin nila ang laman ng kanilang kaliwang kamay pero hindi sila mabubusog. 21 Ang bawat isa ay kakainin ang kanilang sariling kamay. Lalapain ng Manases ang Efraim, at ang Efraim ang Manases at ang dalawa ay lulusob sa Juda. Sa lahat ng mga ito ang galit ni Yahweh ay hindi huhupa, pero nakataas pa rin ang kaniyang kamay para humampas.
Chapter 10
1 Anong kapighatian ang nakalaan sa mga gumagawa nang hindi makatuwirang mga batas at hindi patas na mga tuntunin. 2 Pinagkaitan nila ng katarungan ang mga nangangailangan, ninakawan ng karapatan ang naghihirap kong bayan, ninanakawan ang mga balo, at binibiktima ang mga ulila sa ama! 3 Ano ang gagawin mo sa araw ng paghuhukom kapag dumating na ang pagkawasak mula sa malayo? Kanino ka tatakbo para magkubli at ilalagak ang iyong kayamanan? 4 Walang matitira, gagapang ka kasama ng mga bihag, o babagsak kasama ng mga napaslang. Sa lahat ng mga ito, hindi pa humuhupa ang galit ni Yahweh, pero nakataas pa rin ang kaniyang kamay para humampas. 5 Anong kapighatian ang nakalaan sa mga taga-Asiria, ang pamalo ng aking galit, ang pamalo ng aking poot! 6 Ipapadala ko siya laban sa isang mayabang na bansa at laban sa mga taong pasan ang nag-uumapaw kong poot. Inutusan ko siyang samsamin ang mga kayamanan, para kunin ang biktima, at para apakan sila tulad ng mga putik sa mga lansangan. 7 Pero hindi ito ang kaniyang intensyon, o hindi niya inisip ang ganitong pamamaraan. Nasa kaniyang puso ang wasakin ang maraming bansa. 8 Dahil sinabi niya, "Hindi ba lahat ng aking mga prinsipe ay mga hari? 9 Hindi ba tulad ng Calno ang Carquemis? Hindi ba ang Hamat ay tulad ng Arpad? Hindi ba ang Samaria ay tulad ng Damasco? 10 Gaya ng pagsakop ko sa mga paganong kaharian, na ang mga inukit na rebulto ay mas malaki kaysa sa Jerusalem at Samaria, 11 tulad ng ginawa ko sa Samaria at sa mga walang kwenta niyang diyus-diyosan, hindi ko rin ba ito gagawin sa Jerusalem at sa kaniyang mga diyus-diyosan?" 12 Kapag natapos na ang ginagawa ng Diyos sa Bundok ng Sion at sa Jerusalem, siya ay magsasabi ng "paparusahan ko ang mga kayabangan na sinabi ng hari ng Asiria at kaniyang mapagmataas na hitsura. 13 Dahil sinabi niya, "Sa pamamagitan ng aking lakas at katalinuhan kaya ko ito nagawa, at tinanggal ko ang mga hangganan ng mga tao. Ninakaw ko ang kanilang mga kayamanan, at tulad ng isang makapangyarihang tao winasak ko silang mga nakaupo sa mga trono. 14 Kinuha ng aking kamay, na tila mula sa isang pugad, ang kayamanan ng mga bansa, na parang kumukuha lang ng mga naiwang itlog, ganoon ko kinamkam ang buong mundo. Walang nagpagaspas ng kanilang pakpak o nagbukas sa kanilang bibig para humuni." 15 Makakapagmayabang ba ang palakol sa taong gumagamit nito? Pupurihin ba ng lagari ang kaniyang sarili nang higit pa kaysa sa mamumutol na gumagamit nito? O kaya naman kaya bang iangat ng pamalo ang namamalo o ang pamalo ba ay kayang buhatin ang bumubuhat sa kaniya? 16 Kaya magpapadala ng pagkagutom ang Panginoong Yahweh ng mga hukbo sa kaniyang mga magigiting na mandirigma, at sa silong ng kaniyang kaluwalhatian ay may nagniningas na apoy. 17 Ang liwanag ng Israel ay magiging isang apoy, at ang kaniyang Banal ay alab; tutupukin niya ang mga damo at mga tinik sa loob lang ng isang araw. 18 Tutupukin ni Yahweh ang kaluwalhatian ng kaniyang kagubatan at ang kaniyang masaganang lupain, ang parehong kaluluwa at katawan, ito ay magiging tulad ng isang lalaking may sakit na unti-unting nawawalan ng buhay. 19 Ang mga maiiwan na bahagi ng mga puno sa kaniyang kagubatan ay kakaunti lamang, na kaya itong bilangin ng isang bata. 20 Sa araw na iyon, ang mga naiwan sa Israel, ang pamilya ni Jacob na nakatakas, ay hindi na patuloy aasa sa sumakop sa kanila, bagkus kay Yahweh na sila aasa, Ang Banal ng Israel. 21 May mga naiwan kay Jacob ang babalik kay Yahweh. 22 Kahit na ang iyong mamamayan, Israel, ay kasing dami ng mga buhangin sa dalampasigan, kakaunti lamang mula sa kanila ang babalik. Ang pagkawasak ay naitalaga na, ayon sa hinihingi ng nag-uumapaw na katuwiran. 23 Dahil ipapatupad na ng Panginoong Yahweh ng mga hukbo, ang hatol na wasakin ang lupain. 24 Kaya sinabi ng Panginoong Yahweh ng mga hukbo, "Ang aking bayan na nakatira sa Sion ay hindi natatakot sa mga taga-Asiria. Hahampasin niya kayo ng kaniyang pamalo, at papaluin ng kaniyang tungkod, na tulad ng ginawa sa mga taga-Ehipto. 25 Huwag kayong matakot sa kaniya, dahil sa konting sandali na lang ang aking galit sa inyo ay matatapos na, at itutuon ko naman sa kaniya ang aking galit na wawasak sa kaniya." 26 At hahampasin sila ni Yahweh ng mga hukbo ng latigo, tulad nang pagtalo niya sa Midian sa bato ng Oreb. Itataas niya ang kaniyang pamalo sa ibabaw ng dagat tulad nang ginawa niya sa Ehipto. 27 Sa araw na iyon, ang mga pabigat ay aalisin sa inyong balikat at ang pamatok ay tatanggalin mula sa inyong mga leeg, at sisirain ang mga pamatok dahil malayo na ang inyong mga leeg mula rito. 28 Tinahak ng mga kalaban ang Migron at dumating sa Aiat, at inilagak ang kanilang mga kagamitan sa Micmas. 29 Tinawid nila ang lambak at gumawa ng kuta sa Geba. Nanginig sa takot ang Ramah at ang Gibea ni Saul ay tumakas. 30 Sumigaw kayo nang malakas, mga dalaga ng Galim! Makinig kayo, Laisa! Kayong mga kaawa-awang Anatot! 31 Tumatakas ang Madmenah, at ang mga nananahan sa Gebim ay naghanap ng mapagkakanlungan. 32 Ngayong araw mismo, titigil siya sa Nob at iuumang ang kaniyang kamao sa bundok ng anak ng Sion, sa bulubundukin ng Jerusalem. 33 Masdan, puputulin ng Panginoong Yahweh ng mga hukbo ang mga sanga ng puno sa isang kasindak-sindak na pagbagsak; ang mga matataas na puno ay puputulin, at ang mga matatayog ay babagsak. 34 puputulin niya ang kasukalan ng kagubatan gamit ang palakol, at ang tanyag na Lebanon ay babagsak.
Chapter 11
1 Isang sibol ang magmumula sa ugat ni Jesse, at ang isang sanga mula sa kaniyang ugat ang magbubunga. 2 Mapapasakanya ang espiritu ni Yahweh, espiritu ng karunungan at pang-unawa, espiritu ng paggabay at kapangyarihan, ang espiritu ng kaalaman at takot kay Yahweh. 3 Ang pagkatakot kay Yahweh ang magiging kagalakan niya; hindi siya manghahatol ayon sa nakikita ng kaniyang mga mata, ni magpapasya ayon sa naririnig ng kaniyang tainga. 4 Sa halip, hahatulan niya ang mahihirap nang makatwiran at magpapasya ng patas sa mga mapagkumbaba sa mundo. Hahampasin niya ang mundo ng pamalo ng kaniyang bibig, at sa pamamagitan ng kaniyang mga labi, papatayin niya ang masasama. 5 Ang katuwiran ang magiging sinturon niya sa kaniyang baywang, at katapatan ang sinturon na nakasuot sa kaniyang balakang. 6 Mamumuhay ang lobo kasama ng kordero, at hihiga ang leopardo kasama ng batang kambing, guya, batang leon at pinatabang guya. Isang maliit na bata ang mamumuno sa kanila. 7 Magkasamang kakain ang baka at oso, at magkakasamang matutulog ang kanilang mga anak. Kakain ang leon ng damo gaya ng baka. 8 Makapaglalaro ang isang sanggol sa bahay ng ahas, at mailalagay ng batang hindi na sumususo sa kaniyang ina ang kaniyang mga kamay sa lungga ng ahas. 9 Hindi nila sasaktan ni wawasakin ang lahat ng banal na bundok; dahil mapupuno ang mundo ng maraming kaalaman kay Yahweh, gaya ng tubig na binabalutan ang dagat. 10 Sa araw na iyon, titindig ang ugat ni Jesse bilang isang bandila para sa mga tao. Hahanapin siya ng mga bansa, at magiging maluwalhati ang kaniyang lugar ng kapahingahan. 11 Sa araw na iyon, muling iuunat ng Panginoon ang kaniyang kamay para mabawi ang nalabi sa kaniyang mga tao sa Asiria, Ehipto, Patros, Etiopia, Elam, Sinar, Hamat, at mga isla sa karagatan. 12 Maglalagay siya ng bandila para sa mga bansa at titipunin ang mga taga-Israel at Juda na tinapon mula sa apat na sulok ng mundo. 13 Ititigil niya ang inggit ng Efraim, at aalisin niya ang mga laban sa Juda. Hindi na maiinggit ang Efraim sa Juda, at hindi na laban ang Juda sa Efraim. 14 Sa halip, lulusob sila sa mga burol ng Filisteo sa kanluran, at sama-sama nilang susugurin ang mga tao sa silangan. Lulusubin nila ang Edom at Moab, at susunod sa kanila ang bayan ng Ammon. 15 Lubusang wawasakin ni Yahweh ang gulpo ng dagat ng Ehipto. Sa pamamagitan ng tuyong hangin, iwawagayway niya ang kaniyang kamay sa Ilog ng Eufrates at hahatiin ito sa pitong batis, para matawiran gamit ang mga sandalyas. 16 Magkakaroon doon ng malapad na daanan para sa mga nalabing tao na bumalik mula sa Asiria, kung paanong nakadaan ang Israel palabas mula sa lupain ng Ehipto.
Chapter 12
1 Sa araw na iyon, sasabihin ninyo, "Magbibigay kami ng papasalamat sa iyo, Yahweh. Kahit na galit ka sa amin, nawala na ang iyong poot, at inaliw mo kami. 2 Tingnan ninyo, ang Diyos ang aming kaligtasan; magtitiwala kami at hindi matatakot, dahil si Yahweh, oo, si Yahweh ang aming kalakasan at awitin. Siya ang aming naging kaligtasan." 3 Masaya kayong kukuha ng tubig mula sa mga balon ng kaligtasan. 4 Sa araw na iyon, inyong sasabihin, "Magbigay ng pasasalamat kay Yahweh at tumawag sa kaniyang pangalan; sabihin ang kaniyang mga ginawa sa kalagitnaan ng mga tao, ihayag ang dakila niyang pangalan. 5 Umawit kay Yahweh, dahil gumawa siya ng mga dakilang bagay; ipaalam ito sa buong mundo. 6 Umiyak nang malakas at sumigaw sa tuwa, kayong mga naninirahan sa Sion, dahil nasa inyong kalagitnaan ang Banal na Diyos ng Israel."
Chapter 13
1 Isang pahayag tungkol sa Babilonia, na natanggap ni Isaias anak ni Amoz: 2 Sa kalbong bundok maglagay ka ng isang bandilang panghudyat, umiyak kayo ng malakas sa kanila, iwagayway ang inyong kamay para pumunta sila sa mga tarangkahan ng mga maharlika. 3 Inutusan ko ang aking mga banal, oo, tinawag ko ang malalakas kong mandirigma para isagawa ang aking galit, pati ang malalakas kong mandirigma ay matutuwa. 4 Ang ingay ng karamihan sa mga bundok, ay gaya ng maraming tao! Ang ingay ng kaguluhan sa mga kaharian ay gaya ng maraming bansa na nagtipon-tipon! Tinitipon ni Yahweh ng mga hukbo ang mga kawal para sa labanan. 5 Nanggaling sila mula sa malayong bansa na hindi na natatanaw. Si Yahweh ang wawasak ng buong lupain gamit ang kaniyang mga instrumento ng paghahatol. 6 Umungol kayo, dahil papalapit na ang araw ni Yahweh; darating ito nang may pagwasak mula sa Makapangyarihan. 7 Dahil dito, manlalambot ang lahat ng kamay at matutunaw ang bawat puso; Matatakot sila; matinding kirot at kalungkutan ang lulupig sa kanila, gaya ng isang babaeng nanganganak. 8 Titingin sila ng may pagkamangha sa isa't-isa; mag-aalab ang kanilang mga mukha. 9 Tingnan ninyo, dadating ang araw ni Yahweh nang may mabagsik na poot at nag-uumapaw na galit, para gawing malagim ang lupain at para wasakin ang mga makasalanan doon. 10 Hindi ibibigay ng mga bituin sa langit at mga grupo ng bituin ang kanilang liwanag. Magdidilim ang araw kahit na bukang-liwayway, at hindi magniningning ang buwan. 11 Parurusahan ko ang daigdig dahil sa kasamaan nito at dahil sa kanilang kasalanan. Tatapusin ko ang kayabangan ng mga mapagmataas at ibababa ko ang kayabangan ng mararahas. 12 Gagawin kong mas madalang ang mga tao kaysa sa pinong ginto at mas mahirap hanapin kaysa sa purong ginto ng Ofir. 13 Dahil dito, papanginigin ko ang kalangitan, at yayanigin ang lupa sa kinalalagyan nito, sa pamamagitan ng matinding poot ni Yahweh ng mga hukbo, at sa araw ng kaniyang matinding galit. 14 Gaya ng isang hinahabol na gasel o gaya ng isang tupang walang pastol, babalik ang bawat tao sa kanilang sariling bayan at tatakas patungo sa sarili nilang lupain. 15 Ang bawat taong matatagpuan ay papatayin, at ang bawat taong mahuhuli ay mamamatay sa pamamagitan ng espada. 16 Dudurugin din ng pira-piraso ang kanilang mga anak sa kanilang harapan. Nanakawan ang kanilang mga bahay at huhulihin ang kanilang mga asawa at sisipingan. 17 Tingnan ninyo, pupukawin ko ang Medes para lusubin sila, na hindi iisipin ang tungkol sa pilak, ni hindi matutuwa sa ginto. 18 Tutusok ang mga palaso nila sa mga kabataan. Hindi sila maaawa sa mga sanggol at walang ititirang mga bata. 19 At Babilonia, ang pinakahinahangaan sa mga kaharian, ang pinagmamalaking kaluwalhatian ng Chaldea ay itatapon ng Diyos gaya ng Sodoma at Gomorra. 20 Hindi na ito matitirahan o pamumuhayan mula sa saling-lahi hanggang sa isa pang saling-lahi. Hindi na itatayo ng Arabo ang kaniyang tolda doon, ni pagpapahingahin ng pastol ang kawan ng tupa doon. 21 Pero ang mga mababangis na hayop ng ilang ang hihiga doon. Mapupuno ang kanilang mga bahay ng mga kwago; at mga ostrich at mga ligaw na kambing ang magluluksuhan doon. 22 Aatungal ang hiyena sa kanilang mga kuta, at mga asong-gubat sa magagandang palasyo. Nalalapit na ang oras niya, at hindi na magtatagal ang kaniyang mga araw.
Chapter 14
1 Mahahabag si Yahweh sa Jacob; pipiliin niya muli ang Israel at ibabalik sila sa sarili nilang lupain. Sasapi ang mga dayuhan sa kanila at iaanib ang kanilang mga sarili sa bayan ng Jacob. 2 Dadalahin sila ng mga bansa sa kanilang lugar. Pagkatapos, kukunin sila ng bayan ng Israel sa lupain ni Yahweh bilang lalaki at babaeng mga alipin. Mabibihag nila ang mga bumihag sa kanila, at pamumunuan nilang lahat ng mga nang-api sa kanila. 3 Sa araw na bibigyan kayo ni Yahweh ng kapahingahan mula sa paghihirap at pagdurusa, at mula sa mahirap na pagtratrabaho na kailangan ninyong gawin, 4 aawit kayo ng awiting panghamak laban sa hari ng Babilonia, "Paano natapos ang nang-aapi, ang pagmamataas nila ay tapos na! 5 Sinira na ni Yahweh ang tungkod ng masasama, ang setro ng mga namamahala, 6 na pumapalo sa mga tao nang paulit-ulit, na galit na pinamahalaan ang mga bansa, sa pamamagitan ng walang tigil na paglusob. 7 Nasa kapayapaan at katahimikan ang buong mundo; nagsimula silang magdiwang na may awitan. 8 Nagdiriwang maging ang mga puno ng pir sa mga sedar ng Lebanon; sabi nila, 'Ngayong naputol ka na, walang tagaputol ng puno ang pupunta dito para putulin tayo.' 9 Sabik kang sasalubungin ng Sheol kapag bumaba ka doon. Papabangunin nito ang mga patay para sa iyo, lahat ng hari sa mundo, itataas sila mula sa kanilang mga trono. 10 Kakausapin ka nilang lahat at sasabihin sa'yo, 'naging mahina ka na gaya namin. Gaya ka na namin. 11 Binaba ang iyong karangyaan sa Sheol kasama ng tunog ng iyong instrumentong may kuwerdas. Nakakalat ang mga uod sa iyong ilalim, at nakabalot ang mga bulate sa iyo. 12 Paano ka nahulog mula sa kalangitan, ikaw na bituin sa araw, anak ng umaga! Paano ka naputol sa lupa, ikaw na sumakop sa mga bansa! 13 Sabi mo sa iyong puso, 'Aakyat ako sa langit, itataas ko ang aking trono sa taas ng mga bituin ng Diyos, at uupo ako sa bundok ng kapulungan, sa malayong bahagi ng hilaga. 14 Aakyat ako na mas mataas sa mga ulap; gagawin kong Kataas-taasang Diyos ang aking sarili.' 15 Pero ngayon nadala ka dito pababa sa Sheol, sa ilalim ng hukay. 16 Titingnan ka nila at iisipin ang nangyari sa iyo. Sasabihin nila. 'Ito ba ang taong nagpanginig sa mundo, na nagpayanig ng mga kaharian, na siyang ginawang ilang ang daigdig, 17 na siyang nagbagsak ng mga lungsod at ang siyang hindi nagpauwi sa mga bilanggo sa kanilang mga tahanan? 18 Lahat ng hari sa mga bansa, matutulog sa kaluwalhatian, sa bawat libingan nila. 19 Pero hindi ka kabilang sa iyong libingan gaya ng isang sangang tinapon, matatabunan ka ng mga patay gaya ng isang damit, sa mga natusok ng espada - sa mga nahulog sa mga batuhan ng hukay. 20 Gaya ng isang bangkay na tinapon sa ilalim, hindi ka makakasama sa kanila sa libingan, dahil winasak mo ang iyong lupain. Ikaw na pumatay sa iyong kababayan ay anak ng mga gumagawa ng masama at hindi na muling babanggitin kailanman." 21 Maghanda ka sa pagkatay sa kaniyang mga anak, dahil sa kasalanan ng kanilang mga ninuno, upang hindi sila tumaas at makuha ang mundo at punuin ang buong daigdig ng mga lungsod. 22 "Lalaban ako sa kanila" - pahayag ito ni Yahweh ng mga hukbo." Puputulin ko ang pangalan ng Babilonia, kaapu-apuhan, at saling-lahi sa hinaharap" - payahag ito ni Yahweh. 23 Gagawin ko din silang papunta sa lugar ng mga kuwago, at sa mga sapa, at wawalisin ko siya ng walis ng pagkawasak" - payahag ito ni Yahweh ng mga hukbo. 24 Nanumpa si Yahweh ng mga hukbo, "Sigurado, gaya ng nais ko, mangyayari iyon; at gaya ng layunin ko, mangyayari iyon: 25 Wawasakin ko ang mga taga-Asiria sa aking lupain, at tatapakan ko sila sa aking mga bundok. Pagkatapos, maiaangat ang pamatok sa kaniya at kaniyang pasanin sa kaniyang mga balikat." 26 Ito ang plano na nais ko para sa buong mundo, at ito ang kamay na nakataas sa lahat ng mga bansa. 27 Dahil binalak ni Yahweh ng mga hukbo ito; sino ang makapipigil sa kaniya? Nakataas ang kaniyang kamay, at sino ang makabababa nito? 28 Sa panahon na namatay si haring Ahaz, dumating ang pahayag na ito: 29 Huwag kayong magalak, Filisteo, dahil nasira na ang pamalong hinampas sa inyo. Dahil sa pinanggalingan ng ahas ay may paparating na isa pa, at magiging lumilipad na ahas ang kaniyang anak. 30 Kakain ang panganay ng mahirap, at makakatulog ng ligtas ang mga nangangailangan. Papatayin ko ang pinanggalingan mo sa pamamagitan ng kagutuman na papatay sa lahat ng nakaligtas sa inyo. 31 Umungol kayo, umiyak kayo; lungsod; matutunaw ang lahat ng mayroon ka; Filistio. Dahil mula sa hilaga, darating ang ulap na usok, at walang nakahiwalay sa hanay niya. 32 Paano sasagutin ng isang tao ang mga mensahero ng bansang iyon? Si Yahweh ang nagtalaga ng Sion, at sa Sion makatatagpo ng kanlungan ang mga nahirapang bayan niya.
Chapter 15
1 Pahayag tungkol sa Moab. Tunay nga, sa loob ng isang gabi, nasalaula at nawasak ang Ar ng Moab; tunay nga, sa loob ng isang gabi, nasalaula at nawasak ang Kir ng Moab. 2 Pumunta sila sa templo, pumunta sa matataas na lugar ang mga tao sa Dibon para umiyak; nagluksa ang Moab dahil sa Nebo at Medeba. Kinalbo ang kanilang mga ulo at pinutol ang kanilang mga balbas. 3 Sa kanilang mga lansangan, nagsuot sila ng sako; nanangis sila sa tuktok ng kanilang mga bahay at sa plasa. 4 Tumawag ng tulong ang Hesbon at Eleale; narinig ang kanilang tunog sa kasing layo ng Jahaz. kaya tumawag ng tulong ang mga armadong kalalakihan ng Moab; nanginginig sila. 5 Umiiyak ang aking puso para sa Moab; pumunta ang mga takas sa kanila sa Zoar at Eglat-Selisiya. Pumunta sila sa taas ng Luhit nang umiiyak; papunta sa Horonaim, malakas silang nanangis dahil sa kanilang pagkawasak. 6 Natuyo ang mga tubig sa Nimrim; natuyot ang mga damo at namatay ang mga bagong tubong damo; wala ng luntiang makikita. 7 Ang kasaganahang pinalaki nila at inipon ay natangay palayo sa batis ng mga poplar. 8 Maririnig ang kanilang mga iyak sa buong teritoryo ng Moab; maririnig ang kanilang pagtatangis na kasing layo ng Eglaim at Beer-elim. 9 Dahil puno ng dugo ang mga tubig ng Dimon; pero magdadala pa ako ng mas marami sa Dimon. Isang leon ang aatake sa mga tatakas mula sa Moab at pati ang mga naiwan sa lupain.
Chapter 16
1 Magpadala ka ng mga tupa sa tagapamahala ng lupain mula sa Sela sa ilang, sa mga babaing anak sa bundok ng Sion. 2 Gaya ng naggagalang mga ibon, gaya ng isang nakakalat na pugad, kaya ang mga babae ng Moab ay nasa mga tawiran ng Ilog Arnon. 3 Magbigay ng tagubilin, gawin ang makatwiran; magbigay ng ilang silungan gaya ng gabi sa kalagitnaan ng araw; itago ang mga takas; huwag pagtaksilan ang mga takas. 4 Hayaan silang mamuhay kasama ninyo, mga takas mula sa Moab; maging taguan kayo para sa kanila mula sa tagapagwasak." Dahil hihinto ang pang-aapi, at titigil ang pagkawasak, mawawala sa lupain ang mga yumuyurak. 5 Isang trono ang maitatatag sa katapatan sa tipan; at isa mula sa tolda ni David ang matapat na uupo doon. Maghuhusga siya habang naghahanap ng katarungan at gumagawa ng katwiran. 6 Narinig natin ang pagmamataas ng Moab, kaniyang kayabangan, kaniyang kahambugan at kaniyang galit. Pero ang kaniyang kahambugan ay walang lamang mga salita. 7 Kaya mananangis ang Moab para sa Moab, mananangis ang lahat. Magluluksa kayo para sa mamon na may pasas ng Kir-Hareset na lubos na nawasak. 8 Natuyo ang mga taniman sa Hesbon pati ang mga ubasan ng Sibma. Tinapakan ng mga namamahala sa mga bansa ang napiling mga ubusan na umabot sa Jazer at kumalat sa ilang. Malawak na kumalat ang mga sibol; napunta sila lagpas sa dagat. 9 Tunay nga na iiyak ako kasama ng Jazer dahil sa taniman ng ubas ng Sibma. Tutubigan kita ng aking luha, Hesbon, at Eleale. Dahil sa iyong taniman ng mga prutas at tinapos ko ang aking pag-ani nang may sigaw ng kagalakan. 10 Nawala ang kagalakan at kasiyahan mula sa mga prutasan; at wala ng awitan ni masasayang sigawan sa iyong taniman ng ubas. Wala ng taga-tapak ang umaapak sa pagawaan ng alak; ginawa kong pahintuin ang antigong sigawan. 11 Kaya naghihinagpis ang aking puso gaya ng isang alpa para sa Moab, at aking kalooban para sa Kir-heres. 12 Nang pinagod ng Moab ang kaniyang sarili sa mataas na lugar at pumasok sa kaniyang templo para manalangin, walang magagawa ang kaniyang panalangin. 13 Ito ang salita na nakaraang sinabi ni Yahweh tungkol sa Moab. 14 Muli nagsalita si Yawheh, "Sa loob ng tatlong taon, mawawala ang kaluwalhatian ng Moab; kahit na marami siyang mga tao, kakaunti lang ang matitira at hindi pa mahalaga."
Chapter 17
1 Isang kapahayagan tungkol sa Damasco. Pagmasdan ninyo, hindi na magiging lungsod ang Damasco; ito ay magiging tambak ng mga guho. 2 Iiwanan ang mga lungsod ng Aroer. Ito ay magiging mga lugar na hihigaan ng mga kawan, at walang makakapanakot sa kanila. 3 Maglalaho ang matitibay na lungsod mula sa Efraim, ang kaharian mula sa Damasco, at ang mga nalabi ng Aram—magiging gaya sila ng kaluwalhatian ng bayan ng Israel—ito ang kapahayagan ni Yahweh ng mga hukbo. 4 Sa araw na iyon ay manghihina ang kaluwalhatian ni Jacob, at papayat ang katabaan ng kaniyang laman. 5 Ito ay magiging gaya ng mga nag-aani kapag tinitipon nila ang mga butil, at inaani ng kaniyang mga bisig ang mga ulo ng butil. Ito ay magiging gaya ng mga namumulot ng butil sa lambak ng Refaim. 6 Pero, ititigil ang pamumulot kapag nayanig ang puno ng olibo: dalawa o tatlong olibo sa tuktok ng mataas na bahagi ng sanga, apat o lima sa pinaka mataas na sanga ng masagang puno—ito ang kapahayagan ni Yahweh, ang Diyos ng Israel. 7 Sa araw na iyon ay titingin ang mga tao sa kanilang Manililikha, at titingin ang mga mata nila sa Banal ng Israel. 8 Hindi sila titingin sa mga altar, ang ginawa ng kanilang mga kamay, ni titingin sa mga nilikha ng kanilang mga daliri, ang mga poste ni Asera o ang mga imahe ng araw. 9 Sa araw na iyon, ang matitibay nilang lungsod ay magiging gaya ng mga iniwan na kahoy na dalusdos sa rurok ng mga burol, na pinabayaan dahil sa bayan ng Israel at iyon ay magiging isang bayan na pinabayaan. 10 Dahil kinalimutan ninyo ang Diyos ng inyong kaligtasan, at iniwan ang bato ng inyong kalakasan. Kaya nagtatanim kayo ng mga kaaya-ayang mga halaman, at naghahasik ng kakaibang mga binhi 11 sa araw ng inyong pagtatanim, pagbabakod ng halaman, at paglilinang. Balang araw ay tutubo ang mga binhi ninyo, pero mabibigo ang pag-aani sa araw ng kapighatian at labis na kalungkutan. 12 Kaawa-awa! Ang paghihiyawan ng mga tao, ang pag-ugong gaya ng pag-ugong ng mga dagat, at ang pagragasa ng mga bansa, gaya ng rumaragasang malalakas na tubig! 13 Uugong ang mga bansa gaya ng rumaragasang mga tubig, pero sasawayin sila ng Diyos. Tatakbo sila palayo at hahabulin gaya ng mga patay na damo sa bundok na nasa harap ng mga hangin, at gaya ng mga damo na umiikot sa harap ng bagyo. 14 Sa gabi, tingnan ninyo, ang lagim! At maglalaho sila bago dumating ang umaga; ito ang bahagi ng mga nagnakaw sa atin, ang kapalaran ng mga nanloob sa atin.
Chapter 18
1 Pighati sa lupain ng kumakaluskos na mga pakpak, na nasa kabilang ibayo ng mga ilog ng Etiopia; 2 ang nagpapadala ng mga kinatawan sa karagatan, sakay ng mga bangkang gawa sa papirus sa katubigan. Kayong mabibilis na mga mensahero, pumunta kayo sa bansa ng matatangkad at makikinis, sa bansang kinakatakutan ng mga malapit at malayo dito, isang bansang malakas at manlulupig, na nagmamay-ari ng lupain kung saan hinahati ang mga ilog! 3 Lahat kayong nananahan sa mundo at lahat kayong namumuhay sa lupain, kapag may itinaas na panghudyat sa mga kabundukan, tingnan ninyo; at kapag hinipan ang trumpeta, pakinggan ninyo. 4 Ito ang sinabi sa akin ni Yahweh, "Tahimik akong magmamasid mula sa tahanan ko, gaya ng matinding init sa sikat ng araw, gaya ng ulap ng hamog sa init ng pag-aani." 5 Bago ang pag-aani, kapag natapos na ang pagsisibol, at kapag ang mga bulaklak ay nagiging ubas na, puputulin niya ang mga sanga gamit ang pamutol na karit, at kaniyang puputulin at itatapon ang mga kumakalat na mga sanga. 6 Iiwanan sila para sa mga ibon ng kabundukan at para sa mga hayop ng kalupaan. Magsisilbi silang pagkain para sa mga ibon sa tag-araw, at sa mga hayop sa lupa sa panahon ng tag-lamig. 7 Sa panahon na iyon, dadalhin kay Yahweh ng mga hukbo ang mga parangal na mula sa mga taong matatangkad at makikinis, mula sa mga taong kinakatakutan ng lahat, isang bansang makapangyarihan at manlulupig, sa nagmamay-ari ng lupaing humahati ng mga ilog, sa kinaroroonan ng pangalan ni Yahweh ng mga hukbo, sa Bundok Sion.
Chapter 19
1 Isang kapahayagan tungkol sa Ehipto. Pagmasdan ninyo, nakasakay si Yahweh sa mabilis na ulap at paparating sa Ehipto; nayayanig ang mga diyos-diyosan ng Ehipto sa kaniyang harapan, at natutunaw ang mga puso ng mga taga-Ehipto. 2 "Paglalabanin ko ang mga taga-Ehipto laban sa kapwa taga-Ehipto: lalabanan ng isang tao ang kaniyang kapatid, at ang isang tao laban sa kaniyang kapwa; ang lungsod ay lalaban sa lungsod, at kaharian laban sa kaharian. 3 Mapanghihinaan ng loob ang Ehipto. Wawasakin ko ang kaniyang payo sa kaniya, bagama't humingi sila ng payo mula sa mga diyos-diyosan, mga espiritu ng patay, manghuhula, at mga espirtista. 4 Ibibigay ko sa kamay ng malupit na amo ang mga taga-Ehipto, at pamamahalaan sila ng makapangyarihang hari—ito ang kapahayagan ng Panginoon, Yahweh ng mga hukbo." 5 Matutuyo ang tubig ng karagatan, matutuyo ang ilog at mawawalan ng laman. 6 Babaho ang mga ilog; mauubos ang agos ng mga ilog ng Ehipto at matutuyo; malalanta ang mga tambo at mga halaman. 7 Ang mga tambo sa pampang ng Nilo, sa may bibig ng Nilo, at ang lahat ng bukirin na pinagtaniman sa Nilo ay matutuyo, magiging alikabok, at tatangayin ng hangin. 8 Magluluksa at iiyak ang mga mangingisda, ang lahat ng naghagis ng mga pamingwit sa Nilo ay iiyak gaya ng pagdadalamhati ng mga naghahagis ng kanilang lambat sa mga tubig. 9 Mamumutla ang mga nagtatrabaho sa sinuklay na hibla ng bulaklak pati ang mga naghahabi ng puting tela. 10 Dudurugin ang mga gumagawa ng tela sa Ehipto; magdadalamhati sa kanilang kalooban ang lahat ng mga nagtatrabaho para kumita. 11 Ganap na hangal ang mga prinsipe ng Soan. Naging walang kabuluhan ang payo ng pinakamatalinong taga-payo ng Paraon. Paano mo nasasabi sa Paraon, "Ako ang anak ng matatalinong tao, isang anak ng sinaunang mga hari"? 12 Nasaan ngayon ang matatalino mong mga tao? Hayaan mong sabihin nila sa iyo at ipahayag kung ano ang mga plano ni Yahweh ng mga hukbo tungkol sa Ehipto. 13 Naging hangal ang mga prinsipe ng Soan, nalinlang ang mga prinsipe ng Memfis; niligaw nila ang Ehipto, ang panulukang bato ng kaniyang mga tribo. 14 Nilagay ni Yahweh sa kanilang kalagitnaan ang espiritu ng kaguluhan, at niligaw nito ang Ehipto sa lahat ng kaniyang ginagawa, gaya ng isang lasing na sumusuray-suray sa kaniyang suka. 15 Walang sinuman ang may magagawa para sa Ehipto, ulo man o buntot, sanga man ng palma o tambo. 16 Sa panahon na iyon, ang mga taga-Ehipto ay magiging tulad ng mga babae. Manginginig sila at matatakot dahil sa nakataas na kamay ni Yahweh ng mga hukbo na kaniyang itinataas sa kanila. 17 Ang kalupaan ng Juda ang magiging sanhi ng pagkasuray ng Ehipto. Sa tuwing may magpapaalala sa kanila ng tungkol sa kaniya, matatakot sila, dahil sa mga plano na binabalak ni Yahweh laban sa kanila. 18 Sa panahon na iyon, magkakaroon ng limang mga lungsod sa lupain ng Ehipto na nagsasalita ng wika sa Cana at manunumpa ng katapatan kay Yahweh ng mga hukbo. Ang isa sa mga lungsod na iyon ay tatawaging Ang Lungsod ng Araw. 19 Sa araw na iyon, magkakaroon ng altar kay Yahweh sa gitna ng kalupaan ng Ehipto, at isang batong haligi sa hangganan para kay Yahweh. 20 Ito ay magiging tanda at patotoo kay Yahweh ng mga hukbo sa kalupaan ng Ehipto. Kapag tumawag sila kay Yahweh dahil sa mga nang-aapi sa kanila, magpapadala siya sa kanila ng tagapagligtas at ng tagapagtanggol, at kaniyang ililigtas sila. 21 Makikilala si Yahweh sa Ehipto, at sa araw na iyon ay makikilala si Yahweh ng mga taga-Ehipto. Sasamba sila nang may mga alay at mga handog, at manunumpa sila kay Yahweh at kanilang tutuparin ito. 22 Pahihirapan ni Yahweh ang Ehipto, pahihirapan niya at pagagalingin ito. Babalik sila kay Yahweh; pakikinggan niya ang kanilang mga panalangin at pagagalingin niya sila. 23 Sa araw na iyon, magkakaroon ng malawak na daanan mula Ehipto hanggang Asiria, at pupunta ang mga taga-Asiria sa Ehipto, at ang mga taga-Ehipto sa Asiria; at sasamba ang mga taga-Ehipto kasama ng mga taga-Asiria. 24 Sa panahon na iyon, magiging pangatlo ang Israel kasama ng Ehipto at Asiria, isang pagpapala sa gitna ng sanlibutan; 25 pagpapalain sila ni Yahweh ng mga hukbo at sasabihin, "Pagpalain ang Ehipto, ang aking bayan; ang Asiria, ang gawa ng aking mga kamay; at ang Israel, ang aking mana."
Chapter 20
1 Sa taon nang pumunta si Tartan sa Asdod, nang pinadala siya ni Sargon ang hari ng Asiria, nilabanan niya at sinakop ang Asdod. 2 Sa panahon na iyon, nagsalita si Yahweh kay Isaias ang anak na lalaki ni Amoz at sinabing, "Hubarin mo ang iyong sako sa iyong baywang, at tanggalin mo ang iyong sandalyas". Ginawa niya ito, naglalakad ng hubad at nakayapak. 3 Sinabi ni Yahweh, "Gaya ng lingkod kong si Isaias na naglakad ng hubad at nakayapak ng tatlong taon, isa iyong palatandaan at pangitain tungkol sa Ehipto at tungkol sa Etiopia— 4 sa ganitong paraan dadalhin ng hari ng Asiria ang mga bihag ng Ehipto, ang mga tapon ng Etiopia, bata at matanda, hubad at nakayapak, at walang panakip sa pigi, sa kahihiyan ng Ehipto. 5 Sila ay malulungkot at mapapahiya, dahil sa Etiopia na kanilang pag-asa at dahil sa Ehipto na kanilang kaluwalhatian. 6 Sa araw na iyon, sasabihin ng mga naninirahan sa mga pampang na ito, 'Tunay nga, ito ang naging pinaggagalingan ng ating mga pag-asa, kung saan tayo tumakbo para masagip mula sa hari ng Asiria, pero ngayon, paano tayo makakatakas?'"
Chapter 21
1 Isang kapahayagan tungkol sa disyerto sa may dagat. Gaya ng mga hanging bagyo na umiihip sa Negev umiihip ito mula sa ilang, mula sa nakakatakot na lupain. 2 Isang nakakabagabag na pangitain ang ipinakita sa akin: nagtataksil ang taksil, at nagwawasak ang taga-wasak. Umakyat kayo at lumusob, Elam; lupigin ninyo, Media; ihihinto ko ang lahat ng kaniyang paghihinagpis. 3 Kaya napupuno ng kirot ang aking laman; kirot na gaya ng kirot ng babaeng nanganganak ang nanaig sa akin; napaluhod ako sa aking narinig; nabagabag ako sa aking nakita. 4 Kumakabog ang aking puso; nanaig sa akin ang panginginig; ang gabi na aking ninanais ay naging panginginig para sa akin. 5 Hinahanda nila ang hapag kainan, nilalatag nila ang sapin at kumakain at umiinom; bumangon kayo, mga prinsipe, at pahiran ninyo ng langis ang inyong mga kalasag. 6 Dahil ito ang sinabi ng Panginoon sa akin, "Maglagay ka ng bantay sa tore; dapat iulat niya ang kaniyang nakikita. 7 Kapag nakakita siya ng karwahe, ng pares ng mangangabayo, ng mga nakasakay sa asno, ng mga nakasakay sa kamelyo, dapat siyang magbigay pansin at maging alerto." 8 Sumisigaw ang bantay ng tore, "Panginoon, nagbabantay ako sa tore buong araw, bawat araw, at nakatayo ako sa aking himpilan buong gabi." 9 Paparating na ang mangangarwahe nang may kasamang hukbo, mga pares ng mangangabayo. Sumisigaw siya, "Bumagsak na, bumagsak na ang Babilonia, at nawasak ang lahat ng rebulto ng mga diyus-diyosan na sira sa lupa." 10 Ang aking mga giniik at mga tinahip, mga anak ko sa aking giikan! Ipinahayag ko sa inyo ang aking narinig mula kay Yahweh ng mga hukbo, Diyos ng Israel. 11 Isang kapahayagan tungkol sa Duma. Ang tumatawag sa akin mula sa Seir, "Bantay, ano na lang ang natira sa gabi? Bantay, ano na lang ang natira sa gabi?" 12 Sinabi ng bantay ng tore, "Paparating na ang umaga, at gayun din ang gabi: kung magtatanong ka, magtanong ka, at bumalik ka na lang muli." 13 Isang kapahayagan tungkol sa Arabia. Pinapalipas ninyo ang gabi sa disyerto ng Arabia, kayong mga karawan ng taga-Dedan. 14 Magdala ng tubig para sa mga nauuhaw; mga naninirahan sa lupain ng Tema, salubungin nang may dalang tinapay ang mga takas. 15 Dahil tumakas sila mula sa espada, mula sa inilabas na espada, mula sa nakaumang na pana, at mula sa bigat ng digmaan. 16 Dahil ito ang sinabi ng Diyos sa akin, "Sa loob ng isang taon, gaya ng makikita ng isang manggagawa, lahat ng kaluwalhatian ng Kedar ay magwawakas. 17 Ilan lang sa mga mamamana, sa mga mandirigma ng Kedar ang matitira, dahil nagsalita na si Yahweh, ang Diyos ng Israel."
Chapter 22
1 Isang kapahayagan tungkol sa lambak ng pangitain: Ano ang dahilan ng pagakyat ninyong lahat sa mga bubungan? 2 Isang maingay na lungsod, isang bayan na puno ng katuwaan; hindi napatay ng espada ang inyong mga patay, at hindi sila namatay sa labanan. 3 Sama-samang tumakas ang lahat ng inyong mga pinuno, pero nahuli sila nang walang dalang mga pana, nahuli silang lahat at sama samang nabihag; tumakas sila papunta sa malalayong lugar. 4 Kaya sinabi ko, "Huwag ninyo akong tingnan, mapait akong hahagulgol; huwag niyo akong subukang aliwin dahil sa pagkawasak ng anak na babae ng aking bayan." 5 Dahil ang Panginoon, ang Diyos ng mga hukbo ay may araw ng kaguluhan, pagwasak, at kalituhan. At sa lambak ng pangitain, magkakaroon ng pagkagiba ng mga pader, at pagtawag ng mga tao mula sa mga kabundukan. 6 Dinala ng Elam ang lalagyan ng palaso, kasama ang mga karwahe ng mga lalake at mangangabayo, at hinahanda ng Kir ang kalasag. 7 Mapupuno ng karwahe ang inyong mabubuting lambak, at magbabantay sa tarangkahan ang mga mangangabayo. 8 Tinanggal niya ang proteksiyon ng Juda; at sa panahon na iyon ay tumingin kayo sa mga sandata ng Palasyo ng Gubat. 9 Nakita niyo ang mga butas ng lungsod ni David, na napakarami ng mga ito, at nag imbak kayo ng tubig mula sa ibabang tubigan. 10 Binilang ninyo ang mga tahanan ng Jerusalem, giniba ninyo ang mga bahay para patibayin ang pader. 11 Gumawa kayo ng imbakan ng tubig sa pagitan ng dalawang pader para sa tubig ng lumang tubigan. Pero hindi ninyo isinaalang-alang ang manlilikha ng lungsod, ang nagplano nito noon pa. 12 Ang Panginoon, si Yahweh ng mga hukbo sa ay tumawag sa panahong iyon para sa pagtatangis, pananaghoy, pag-aahit ng buhok sa ulo, at pagsusuot ng sako. 13 Pero tingnan ninyo, sa halip na magdiwang at magalak, magkatay ng baka at magpakatay ng tupa, kumain ng karne at uminom ng alak; tayo ay kumain at uminon, dahil bukas ay mamamatay na tayo. 14 Ipinahayag ito ni Yahweh ng mga hukbo sa aking pandinig: "Tiyak na hindi patatawarin ang inyong mga kasalanan na ito, kahit na mamatay na kayo" iyon ang sinasabi ng Panginoon, Yahweh ng mga hukbo. 15 Sinasabi ito ng Panginoon, Yahweh ng mga hukbo, "Pumunta ka sa tagapamahala, kay Shebna, na siyang namamahala sa tahanan na iyon, at sabihin mo, 16 'Ano ang pagmamay-ari mo dito, sino ka, na naghukay ka ng libingan? Naghukay ng libingan sa kaitaasan, umukit sa bato ng sarili mong libingan!'" 17 Tingnan mo, malapit ka nang itapon ni Yahweh, ikaw na makapangyarihan, malapit ka na niyang itapon; hahawakan ka niya ng mahigpit. 18 Tiyak na paiikot-ikutin ka niya, at itatapon ka sa malayong bansa gaya ng bola. Mamamatay ka roon, at papupunta doon ang dakila mong mga karwahe; magiging kahihiyan ka ng tahanan ng iyong amo! 19 "Aalisin kita mula sa iyong tungkulin at mula sa iyong himpilan. Mahihila ka pababa. 20 Sa panahon na iyon, tatawagin ko ang aking lingkod na si Eliakim ang anak na lalaki ni Hilkias. 21 Idadamit ko sa kaniya ang iyong tunika at ilalagay ko sa kaniya ang iyong bigkis, at ililipat ko ang iyong kapangyarihan sa kaniyang kamay. Siya ang magiging ama ng mga naninirahan sa Jerusalem at sa tahanan ng Juda. 22 Ilalagay ko sa kaniyang balikat ang susi ng tahanan ni David; bubuksan niya, at walang sinuman ang makapagsasara; isasara niya, at walang sinuman ang makapagbubukas. 23 Patatatagin ko siya gaya ng isang pako na nakabaon ng maigi, at siya ay magiging trono ng kaluwalhatian sa tahanan ng kaniyang ama. 24 Ilalagay nila sa kaniya ang lahat ng kaluwalhatian ng tahanan ng kaniyang ama, ang anak at mga kaapu-apuhan, bawat maliliit na sisidlan mula sa mga kopa papunta sa lahat ng mga tapayan. 25 Sa panahon na iyon—ito ang kapahayagan ni Yahweh ng mga hukbo—bibigay ang pakong kahoy na nakabaon, mababali, at malalaglag, at mapuputol ang pabigat na nakalagay dito—dahil nagsalita na si Yahweh.
Chapter 23
1 Isang pahayag tungkol sa Tiro: Umungol kayo, kayong mga barko ng Tarsis; dahil wala na kayong tahanan ni daungan; naihayag ito sa kanila mula sa lupain ng Kittim. 2 Mamangha, kayong mga naninirahan sa baybayin, kayong mangangalakal ng Sidon, na naglalayag sa karagatan, na ang mga kinatawan ang nagtutustos sa inyo. 3 At sa malawak na katubigan ang butil ng rehiyon ng Sihor, ang ani ng Nilo ay dinala sa Tiro; siya ang pamilihang lugar ng mga bansa. 4 Mahiya kayo lupain ng Sidon; dahil nagsalita na ang dagat, ang isang makapangyarihang dagat. Sinasabi niya, "hindi ako naghirap o nanganak, ni nag-alaga ng mga batang lalaki o nagpalaki ng mga batang babae." 5 Kapag dumating ang balita sa Ehipto, magdadalamhati sila tungkol sa Tiro. 6 Tumawid kayo sa Tarsis; manangis, kayong mga naninirahan sa baybayin. 7 Nangyari ba ito sa inyo, ang masayahing lungsod, na nagmula sa sinaunang panahon, na dinala siya ng kaniyang mga paa sa napakalayong dayuhan lugar para manirahan? 8 Sino ang nagplano nito laban sa Tiro? ang tagapagbigay ng mga korona, na ang mga negosyante ay mga prinsipe, na ang mga mangangalakal ay silang may karangalan sa lupa? 9 Si Yahweh ng mga hukbo ang nagplano nito para ilagay sa kahihiyan ang kaniyang pagmamataas at lahat ng kaniyang kaluwalhatian, para ipahiya ang lahat ng kaniyang pinarangalan sa lupa. 10 Araruhin ninyo ang inyong lupain, gaya ng nag-araro ng Nilo, anak na babae ng Tarsis. Wala nang pamilihan sa Tiro. 11 Inabot ni Yahweh ang kaniyang kamay sa karagatan, at niyanig ang mga kaharian; nagbigay siya ng utos ukol sa Ponecia, para sirain ang matibay na kutang tanggulan. 12 Sinabi niya, "Hindi ka na muling makapagdiriwang, pinahirapang birheng dalagang anak ng Sidon; bumangon ka, dumaan ka sa Sayprus; pero kahit doon ay wala kang kapahingahan." 13 Tingnan mo ang lupain ng mga Caldea. Wala na ang mga tao nito; ginawa itong ilang ng mga taga-Asirya para sa mga mababangis na hayop. Inilagay nila ang kanilang mga toreng taguan. Sinira nila ang mga palasyo nito; Ginawa nila itong tambakan ng mga guho. 14 Umungol kayo, kayong mga barko ng Tarsis; dahil nasira na ang inyong kanlungan. 15 Sa araw na iyon, makakalimutan ang Tiro nang pitumpung taon, tulad ng mga araw ng isang hari. Pagkatapos ng pitumpung taon may isang bagay na mangyayari sa Tiro tulad ng awit ng babaeng bayaran. 16 Kumuha ka ng alpa, pumunta sa lungsod, ikaw na kinalimutang taong bayaran; tugtugin mo ito ng mabuti, at umawit ng maraming mga awit, para ikaw ay maalaala. 17 Darating ito pagkatapos ng pitumpung taon, si Yahweh ang tutulong sa Tiro, at babalik siya sa kaniyang pagpapaupa. Ipagbibili niya ang kaniyang sarili sa lahat ng kaharian sa lahat ng sulok ng mundo. 18 "Lahat ng kaniyang mga tinubo at mga kinita ay ilalaan kay Yahweh. Hindi maiimbak ang mga ito o maitatabi. Ang mga nananahan sa presensya ni Yahweh— ang kaniyang paninda ay magiging pagkain sa kanila at para magkaroon ng pangmatagalang kasuotan.
Chapter 24
1 Masdan, malapit nang ubusin ni Yahweh ang laman ng mundo, para sirain ito, dungisan ang ibabaw nito, at ikalat ang mga naninirahan dito. 2 Mangyayari ito, sa mga tao, ganun din sa mga pari; sa mga lingkod, ganun din sa kaniyang amo; sa mga katulong na babae, ganun din sa kaniyang among babae; sa mga mamimimili, ganun din sa nagbebenta; sa mga pinagkakautangan, ganun din sa mga nangungutang; sa mga tumatanggap ng tubo, ganun din sa mga tagapagbigay ng tubo. 3 Ganap na masisira ang mundo at ganap na huhubaran; dahil sinabi na ni Yahweh ang salitang ito. 4 Manunuyo at malalanta ang mundo, mabubulok at maglalaho ang mundo, mabubulok ang mga kilalang tao sa lupa. 5 Ang mundo ay narumihan dahil sinuway ng mga naninirahan dito ang mga batas, nilabag ang mga kautusan, at winasak ang walang hanggang tipan. 6 Kaya nilamon ng sumpa ang mundo, at napatunayan na ang naninirahan dito ay maysala. Sinunog ang mga naninirahan sa mundo, at kaunting tao lang ang natira. 7 Natuyo ang bagong alak, nabulok ang ubasan, lahat ng masasayang puso ay naghihinagpis. 8 Huminto ang masayang tunog ng mga tamburin, at ang maingay at magulong pagsasaya ng mga nagdidiwang; ang kagalakan ng mga lira ay naglalaho. 9 Hindi na sila umiinom ng alak at nag-aawitan, at mapait ang alak sa mga umiinom nito. 10 Bumagsak ang lungsod ng kaguluhan; sarado at walang laman ang bawat bahay. 11 Sa bawat lansangan ay may umiiyak dahil sa alak; nagdilim ang lahat ng kagalakan, ang kasiyahan sa lupa ay naglaho. 12 Isang lagim na lungsod ang naiwan, at ang tarangkahan ay basag sa pagkawasak. 13 Dahil ito ang mangyayari sa buong mundo sa kalagitnaan ng mga bansa, gaya ng pagpalo sa puno ng olibo, gaya ng pamumulot ng mga natira nang matapos ang pag-ani ng ubas. 14 Ilalakas nila ang kanilang mga boses at isisigaw ang kapurihan ni Yahweh, at magagalak silang sisigaw mula sa dagat. 15 Kaya sa silangan luluwalhatiin si Yahweh, at sa maliliit na mga pulo ng dagat magbigay ng kaluwalhatian sa pangalan ni Yahweh, ang Diyos ng Israel. 16 Mula sa pinakamalayong bahagi ng mundo aming narinig ang mga awit, "Kaluwalhatian sa matuwid!" Pero sinabi ko, "Sinayang ko lang, sinayang ko lang, kasawian ay sa akin! Ang taksil ay gumagawa ng pagtataksil; oo, ang taksil ay gumagawa ng matinding pagtataksil." 17 Matinding takot, ang hukay, at ang patibong ang sasainyo, mga naninirahan sa mundo. 18 Siyang tumakas mula sa tunog ng takot ang mahuhulog sa hukay, at siyang umahon sa kalagitnaan ng hukay ay mahuhuhli sa silo. Magbubukas ang bintana ng kalangitan, at ang pundasyon ng mundo ay mayayanig. 19 Ang mundo ay ganap na masisira. ang mundo ay mahahati sa gitna; ang mundo ay marahas na mayayanig. 20 Ang mundo ay magsusuray-suray tulad ng isang lasing na lalaki at gumigiwang-giwang at pabalik-ballik tulad ng isang duyan. Ang kasalanan nito ay magiging mabigat dito, at babagsak ito at hindi na muling babangon. 21 Darating ang araw na paparusahan ni Yahweh ang hukbo na dakila sa kataas-taasan, at mga hari ng mundo sa lupa. 22 Sila ay sama-samang titipunin, mga bilanggo sa hukay, at ikukulong sa isang bilangguan; at pagkatapos ng maraming araw sila ay hahatulan. 23 At ang buwan ay mahihiya, at ang araw ay mapapahiya, dahil si Yahweh ng mga hukbo ay maghahari sa Bundok Sion at sa Jerusalem, at sa harap ng kaniyang nakatatanda sa kaluwalhatian.
Chapter 25
1 Yahweh, ikaw ang aking Diyos; dadakilain kita, pupurihin ko ang pangalan mo; dahil gumawa ka ng mga kahanga-hangang bagay, mga bagay na matagal mo nang binalak, sa ganap na katapatan. 2 Dahil ginawa mong isang tambakan ang lungsod, isang pinatibay na lungsod, isang guho at ang isang tanggulan ng mga dayuhan na maging walang lungsod. 3 Kaya ang malalakas na tao ay luluwalhatiin ka; matatakot ang lungsod ng mga walang-awang bansa. 4 Dahil ikaw ay proteksyon sa mahirap, isang tagabantay para sa mga nangangailangan na nasa pagkabalisa, isang silungan mula sa bagyo, isang lilim mula sa init, kapag ang ihip ng isang walang awa ay tulad ng isang bagyo na laban sa pader. 5 Gaya ng init sa tagtuyo, patatahimikin mo ang ingay ng mga dayuhan; gaya ng init sa lilim ng ulap, ang awit ng walang-awa ay ibababa. 6 Sa bundok na ito maghahanda si Yahweh ng mga hukbo para sa lahat ng mga tao ng isang pista ng matatabang bagay, ng mga piling alak, ng malalambot na karne, isang pista ng mga pinakamainam na alak. 7 Sisirain niya sa bundok na ito ang tumatakip sa lahat ng mamayan, ang bahay na hinabi sa lahat ng mga bansa. 8 Lulunukin niya ang kamatayan habang buhay, at ang Panginoong Yahweh ay pupunasan ang mga luha mula sa lahat ng mga mukha; ang mga kahihiyan ng kaniyang bayan ay aalisin niya sa mundo, dahil sinabi na ito ni Yahweh. 9 Sasabihin ito sa araw na iyon. Masdan, ito ang ating Diyos, hinintay natin siya at ililigtas niya tayo. Ito si Yahweh; Naghintay tayo para sa kaniya, magagalak tayo at magdidiwang sa kaniyang kaligtasan." 10 Dahil dito sa bundok na ito mamamalagi ang kamay ni Yahweh; at tatapakan ang Moab sa kaniyang lugar, kahit na ang dayami na yinapakan sa isang pataba na puno ng dumi. 11 Iuunat nila ang kanilang mga kamay sa gitna nito; gaya ng manlalangoy na inuunat ang kaniyang kamay para lumangoy; pero ibababa ni Yahweh ang kanilang kayabangan kahit na nagpupumiglas ang kanilang mga kamay. 12 Ang iyong mataas na kuta ng pader ay ibaba niya sa lupa, sa alikabok.
Chapter 26
1 Sa araw na iyon ang awit na ito ay aawitin sa lupain ng Juda: Mayroon tayong malakas na lungsod; ginawa ng Diyos ang kaligtasan nitong mga pader at mga kuta. 2 Buksan ang mga tarangkahan, para ang matuwid na bansa na nananatiling tapat na nananampalataya ay maaring makapasok. 3 Nanatili sa iyo ang kaisipan, pananatalihin mo siya sa ganap na kapayapaan, dahil nagtitiwala siya sa iyo. 4 Magtiwala kay Yahweh magpakailanman; dahil kay Yah, Yahweh, ay ang walang hanggang tanggulan. 5 Dahil ibabagsak niya ang mga namumuhay ng mapagmataas; ang matibay na lungsod ay ibaba niya, kaniyang ibababa sa lupa; ipapantay niya ito sa alikabok. 6 Tatapakan ito sa pamamagitan ng mga paa ng mahirap at ang pagtutungtungan ng nangangailangan. 7 Ang daan ng matuwid ay patag, Siyang Matuwid; ginawa mong tuwid ang daan ng mga matuwid. 8 Oo, sa paraan ng iyong paghuhukom, Yahweh, kami ay maghihintay para sa iyo; ang iyong pangalan at iyong reputasyon ay aming ninanais. 9 Nananabik ako sa iyo sa gabi; oo, ang espiritu sa aking kalooban ay masigasig kang hinahanap. Dahil kapag dumating ang iyong paghuhukom, ang mga naninirahan sa mundo ay malalaman ang tungkol sa katuwiran. 10 Hayaang makita ng masama ang iyong kabutihan, pero hindi niya matututunan ang katuwiran. Sa lupain ng katapatan siya ay gumagawa ng kasamaan at hindi nakikita ang kadakilaan ni Yahweh. 11 Yahweh, nakataas ang iyong kamay, pero hindi nila ito napapansin. Pero makikita nila ang iyon kasigasigan para sa mga tao at sila ay mapapahiya, dahil ang apoy ng iyong mga kaaway ay lalamunin sila. 12 Yahweh, ikaw ay magbibigay ng kapayaan para sa amin, dahil tunay nga, tinapos mo na ang lahat ng aming mga gawain para sa amin. 13 Yahweh aming Diyos, ang ibang mga pinuno maliban sa iyo ay namuno sa amin, pero pangalan mo lamang ang aming pinupuri. 14 Sila ay patay, hindi na sila mabubuhay; pumanaw na sila, hindi na sila muling babangon. Tunay nga, na dumating ka sa paghuhukom at winasak sila, at pinatay ang bawat alaala nila. 15 Pinaunlad mo ang bansa, Yahweh, pinaunlad mo ang bansa; pinarangalan ka; pinalawak mo ang mga hangganang ng lupain. 16 Yahweh, sa kanilang kaguluhan tumingin sila sa iyo; nagsabi rin sila ng mga bulong laban sa masama nang ang iyong pagtutuwid ay nasa kanila. 17 Tulad ng isang babaeng buntis na malapit na ang oras ng panganganak, siya ay nasa kirot at sumisigaw sa sakit ng panganganak; kaya kami ay nasa harapan mo, Panginoon. 18 Nakapagdalang-tao na kami, Nakapaghilab na kami sa panganganak, pero para bang kami ay nanganak lang ng hangin. Hindi namin nadala sa mundo ang kaligtasan, at ang mga naninirahan sa mundo ay hindi bumagsak. 19 Ang iyong patay ay mabubuhay; ang aming mga patay na katawan ay babangon. Ang mga namalagi sa alikabok; gising na at umawit ng may galak dahil ang iyong hamog ay hamog ng halamang damo, at ang mundo ay ibabagsak ang patay, ang mga sisilain. 20 Aking bayan, pumasok sa inyong mga silid at isara ang pinto; panandaliang magtago, hanggang ang galit ay lumipas na. 21 Tingnan ninyo, dahil, si Yahweh ay parating na mula sa kaniyang lugar para parusahan ang mga naninirahan sa mundo dahil sa kanilang kasalanan; ihahayag ng mundo ang pagdanak ng kaniyang dugo, at hindi na itatago ang kaniyang patay.
Chapter 27
1 Sa araw na iyon si Yahweh at ang kaniyang matigas, malaki at mabalasik na espada ay parurusahan ang Leviatan, ang madulas na ahas, ang Leviatan na namamaluktot na ahas, at papatayin niya ang halimaw na nasa dagat. 2 Sa araw na iyon: Isang ubasan ng alak, aawit nito. 3 "Ako si Yahweh, ang tagapag-ingat nito; dinidiligan ko ito bawat sandali; para walang manakit dito, binabantayan ko ito sa gabi at araw. 4 Hindi ako galit, dahil mayroon mga dawag at tinik! Sa digmaan nagmamartsa ako laban sa kanila; susunugin ko silang lahat ng magkakasama; 5 kung hahawakan nila ng maiigi ang aking pag-iingat at makipag kasundo sa akin; hayaan silang makipag kasundo sa akin. 6 Sa darating na araw, lalalim ang ugat ni Jacob; at ang Israel ay mamumulaklak at uusbong; at pupunuin nila ng bunga ang ibabaw ng lupa." 7 Nilusob ba ni Yahweh si Jacob at Israel gaya ng pagsugod niya sa mga bansa? Si Jacob ba at Israel ay pinatay gaya ng pagpatay sa bayan na kanilang pinatay? 8 Sa wastong panukat ikaw ay nakipaglaban, itinaboy si Jacob at ang Israel palayo; hinayaan mo silang matangay palayo sa pamamagitan ng iyong matinding hangin, sa araw ng hanging silanganan. 9 Sa ganitong paraan, ang matinding kasalanan ni Jacob ay mapapawalang sala, dahil ito ang magiging buong bunga sa pagtalikod niya sa kaniyang kasalanan: Gagawin niyang tisa at ginawang pulbos ang lahat ng altar na bato at walang mga poste ni Asera o mga altar ng insenso ang mananatiling nakatayo. 10 Dahil winasak ang matibay na lungsod, ang tahanan ay iniwanan at pinabayaan tulad ng ilang. Doon isang guya ang nanginginain, at doon siya nagpahinga at kinain ang mga sanga nito. 11 Kapag nalanta ang mga sanga, sila ay puputulin. Dadating ang mga babae at gagawa ng apoy sa pamamagitan ng mga ito, dahil ang mga ito ay mga taong walang pang-unawa. Sa gayon ang kanilang manlilikha ay hindi mahahabag sa kanila, at siyang gumawa sa kanila ay hindi maaawa sa kanila. 12 Mangyayari sa araw na iyon na ihihiwalay ni Yahweh ang dumadaloy na agos ng Ilog ng Eufrates, hanggang sa batis ng Ehipto, at isa-isa kayong titipunin, bayan ng Israel. 13 Sa araw na iyon hihipan ang malaking trumpeta; at ang mga nawasak mula sa lupain ng Asirya ay dadating, at ang mga itinakwil sa lupain ng Ehipto, sila ay sasamba kay Yahweh sa banal na bundok ng Jerusalem.
Chapter 28
1 Kaawaan ang ipinagyayabang na kwintas na bulaklak ng mga lasenggo ng Efraim at sa kumukupas na bulaklak ng kanyang maluwalhating kagandahan, na nasa tuktok ng masaganang lambak ng mga lango sa alak! 2 Masdan ninyo, may isang makapangyarihan at malakas na tao mula sa Panginoon; gaya ng isang ulan ng yelo, isang namiminsalang bagyo, gaya ng isang laganap na napakalakas na ulan. Papaluin niya ang daigdig ng kanyang kamay. 3 Ang ipinagmamayabang na kwintas na bulaklak ng mga lasenggo ng Efraim ay tatapakan. 4 Ang kumukupas na bulaklak ng kanyang maluwalhating kagandahan, na nasa tuktok ng mayamang lambak, ay magiging gaya ng unang hinog na igos bago magtag-araw, na kapag nakita ito ng isang tao, habang ito ay nasa kamay pa lamang niya, nilulunok na niya ito. 5 Sa araw na iyon si Yahweh na pinuno ng mga hukbo ng mga anghel ay magiging isang magandang korona at isang putong ng kagandahan para sa mga natitira pa sa kanyang bayan, 6 isang espiritu ng katarungan para sa kanya na nakaupo sa paghuhukom, at lakas para sa mga nagpapaatras sa kanilang mga kaaway sa kanilang mga tarangkahan. 7 Pero kahit na ang mga ito ay humahapay-hapay sa alak, at nagpapasuray-suray sa inuming matapang. Ang pari at ang propeta ay humahapay-hapay sa malakas na alak, at nalululon sila ng alak. Nagpapasuray-suray sila sa malakas na alak, nagsusuray-suray sa pangitain at humahapay-hapay sa pagpasya. 8 Tunay nga, lahat ng mesa ay natatakpan ng suka, kung kaya't walang malinis na lugar. 9 Kanino niya ituturo ang kaalaman, at kanino niya ipapaliwanag ang mensahe? Sa mga naawat na sa pagsuso sa ina o sa mga kakaawat pa lamang mula sa mga dibdib? 10 Sapagkat ito ay utos pagkaraan ng utos, utos pagkaraan ng utos; panuntunan pagkaraan ng panuntunan, panuntunan pagkaraan ng panuntunan; kaunti dito, kaunti doon. 11 Tunay nga, gamit ang mapanuyang mga labi at isang banyagang dila, magsasalita siya sa bayang ito. 12 Sa nakalipas sinabi niya sa kanila "Ito ang kapahingahan, bigyan ng kapahingahan ang siyang napapagod; at ito ang pagpapanariwa," pero ayaw nilang makinig. 13 Kaya ang salita ni Yahweh ay mapapasakanila, utos pagkaraan ng utos; panuntunan pagkaraan ng panuntunan, panuntunan pagkaraan ng panuntunan; kaunti dito, kaunti doon; nang sa gayon sumulong sila at mabuwal, at masaktan, mahulog sa bitag at mabihag. 14 Kaya makinig sa salita ni Yahweh, kayo na nangungutya, na namamahala sa bayang ito sa Jerusalem. 15 Sinabi ninyo, "Nakipagtipan kami sa kamatayan; nakipagkasundo kami sa Sheol. Kaya kapag dumaan ang umaapaw na paghatol, hindi nito kami aabutan, sapagkat ginawa naming kanlungan ang isang kasinungalingan, at sa kabulaanan kami ay nagtago." 16 Kaya sinasabi ni Yahweh, "Tingnan ninyo: Maglalagay ako ng isang pundasyong bato sa Sion, isang subok na bato, isang tanging panulukang bato, isang tiyak na pundasyon. Siya na naniniwala ay hindi mapapahiya. 17 Gagawin kong panukat na kahoy ang katarungan, at panukat na hulog ang katuwiran. Tatangayin ng ulan na yelo ang tanggulan ng mga kasinungalingan, at tatabunan ng mga tubig baha ang taguan. 18 Mawawalang bisa ang inyong tipan sa kamatayan, at ang kasunduan ninyo sa Sheol ay hindi magkakabisa. Kapag dumaan ang rumaragasang baha, tatabunan kayo nito. 19 Tuwing dumadaan ito, aanurin kayo nito, at tuwing umaga dadaan ito at sa araw at sa gabi ay darating ito. Kapag naunawaan ang mensahe, ito ay magdudulot ng matinding takot. 20 "Dahil napakaikli ng kama para makapag-unat ang isang tao, at napakakitid ng kumot para talukbungan niya ang kanyang sarili." 21 Aakyat si Yahweh tulad ng sa Bundok ng Perazim; gigisingin niya ang kanyang sarili tulad ng sa lambak ng Gideon para gawin ang kanyang gawain, ang kanyang kakaibang trabaho, at isakatuparan ang kanyang kakaibang gawa. 22 Kaya ngayon huwag kayong mang-inis o ang mga gapos ninyo ay hihigpitan. Nakarinig ako mula sa Panginoon, Yahweh na pinuno ng mga hukbo ng mga anghel, isang kautusan ng pagkawasak sa daigdig. 23 Bigyan ninyo ng pansin at makinig sa aking tinig; bigyan ninyo ng masusing pansin at makinig sa aking mga salita. 24 Ang magsasaka ba na buong araw nag-aararo para maghasik, ay nag-aararo lang ng lupa? Patuloy ba niyang binubungkal at sinusuyod ang bukid? 25 Kapag naihanda na niya ang lupa, hindi ba niya ikinakalat ang buto ng anis, inihahasik ang linga, inilalagay ang trigo sa mga hanay at ang sebada sa tamang lugar, at ang espelta sa mga gilid nito? 26 Tinatagubilinan siya ng Diyos; tinuturuan niya siya nang may karunungan. 27 Higit pa rito, ang linga ay hindi ginigiik gamit ang isang paragos, ni pinapagulungan ang linga ng gulong ruweda ng karitela; pero ang anis ay binabayo ng isang kahoy, at ang linga ng isang pamalo. 28 Ang butil ay ginigiling para sa tinapay pero hindi napakapino, at kahit na ikinakalat ito ng mga gulong ng kanyang karitela at ng kanyang mga kabayo, hindi ito dinudurog ng kanyang mga kabayo. 29 Ito rin ay nanggagaling mula kay Yahweh na pinuno ng mga hukbo ng mga anghel, na kahanga-hanga sa pagpapayo at mahusay sa karunungan.
Chapter 29
1 Kaawa-awa kay Ariel, Ariel, ang lungsod na pinagkampohan ni David! Magdagdag ng taon sa taon; hayaang dumating ang mga pista. 2 Pero sasalakayin ko ang Ariel, at siya ay magluluksa at mananaghoy; siya ay magiging tulad ng Ariel sa akin. 3 Magkakampo ako laban sa inyo sa paligid ninyo at lulusob laban sa inyo gamit ang isang tulos, at magtatatag ng mga armas pagkubkob laban sa inyo. 4 Ibabagsak kayo at magsasalita kayo mula sa lupa; ang pananalita ninyo ay magiging mababa mula sa alabok. Ang tinig ninyo ay magiging tulad ng isang multo mula sa lupa, at ang pananalita ninyo ay magiging napakahina mula sa alabok. 5 Ang kawan ng mga sumasalakay sa inyo ay magiging tulad ng maliliit na alikabok at ang maraming mga malulupit tulad ng ipa na naglalaho. Mangyayari ito nang biglaan, sa isang saglit. 6 Paparusahan kayo ni Yahweh na pinuno ng mga hukbo ng mga anghel na may kulog, lindol, malakas na ingay, ng malalakas na mga hangin at matinding bagyo, at mga liyab ng isang lumalamong apoy. 7 Ito ay magiging tulad ng isang panaginip, isang pangitain ng gabi: Lalabanan si Ariel at ang kanyang kutang tanggulan ng isang kawan ng lahat ng mga bansa. Sasalakayin siya at ang kanyang mga tanggulan para siluhin siya. 8 Ito ay tulad ng isang nagugutom na tao na nananaginip na siya ay kumakain, pero nang siya ay gumising, walang laman ang kanyang tiyan. Ito ay tulad ng nananaginip na uhaw na tao na umiinom, pero nang siya ay gumising, siya ay nahihilo, dahil ang kanyang pagka-uhaw ay hindi mapawi. Oo, ganoon ang mangyayari sa kawan ng mga bansa na lumalaban sa Bundok ng Sion. 9 Pahangain ninyo ang inyong mga sarili at mamangha; bulagin ninyo ang inyong sarili at mabulag! Malasing kayo, pero hindi sa alak; magsuray-suray kayo, pero hindi sa serbesa. 10 Dahil ibinuhos sa inyo ni Yahweh ang espiritu ng mahimbing na tulog. Isinara niya ang inyong mga mata, mga propeta, at tinakpan ang inyong mga ulo, mga manghuhula. 11 Ang lahat ng mga paghahayag ay naging sa inyo tulad ng mga salita sa isang aklat na selyado, na maaaring ibigay ng mga tao sa isang may pinag-aralan, na sinasabing "Basahin mo ito". Sinasabi rin niya, "Hindi maaari, dahil ito ay selyado." 12 Kung ang aklat na ito ay ibinigay sa isa na hindi makabasa, na sinasabing. "Basahin mo ito", sinasabi niya, "hindi ako makabasa". 13 Sinabi ng Panginoon, "Ang bayang ito ay lumalapit sa akin gamit ang kanilang bibig at pinararangalan ako gamit ang kanilang mga labi, pero malayo ang kanilang puso sa akin. Ang pagpaparangal nila sa akin ay isang kautusan na itinuro ng mga tao. 14 Kaya nga, tingnan ninyo, magpapatuloy akong gumawa ng kamangha-manghang bagay sa mga taong ito, kababalaghan kasunod ng isa pang kababalaghan. Ang karunungan ng kanilang matatalinong tao ay mawawala, at ang pang-unawa ng kanilang mga nakakaunawang mga tao ay maglalaho." 15 Kaawa-awa ang mga lubos na itinatago ang kanilang mga plano mula kay Yahweh, at na ang kanilang mga gawa ay nasa kadiliman. Sinasabi nila, "Sino ang nakakakita sa atin, at sino ang nakakakilala sa atin? 16 Ibinabaligtad ninyo ang mga bagay! Dapat bang ituring ang magpapalayok na tulad ng luwad, para sabihin na ang bagay na ginawa niya ay tungkol sa kanya na siyang gumawa nito, "Hindi niya ako ginawa," o ang bagay na hinubog ay sasabihin sa kanyang manghuhubog, "Hindi niya nauunawaan?" 17 Hindi magtatagal, magiging isang bukid ang Lebanon, at ang bukid ay magiging isang gubat. 18 Sa araw na iyon, maririnig ng bingi ang mga salita ng aklat, at ang mga mata ng bulag ay makakakita mula sa malalim na kadiliman. 19 Muling magagalak kay Yahweh ang mga api, at magagalak sa Ang Banal ng Israel ang mga mahihirap. 20 Mawawala na ang malupit, at maglalaho ang mapangutya. Aalisin ang lahat ng mga mahilig gumawa ng kasamaan, 21 na sa pamamagitan ng isang salita ay pinapalabas na may sala ang isang tao. Naglalatag sila ng isang silo para sa kanya na naghahanap ng katarungan sa tarangkahan at ibinababa ang matuwid sa pamamagitan ng walang laman na mga kasinungalingan. 22 Kaya nga ito ang sinasabi ni Yahweh tungkol sa sambahayan ni Jacob -- si Yahweh, na tumubos kay Abraham, "Hindi na mapapahiya si Jacob, ni mamumutla ang kanyang mukha. 23 Pero kapag nakita niya ang kanyang mga anak, na gawa ng aking mga kamay, gagawin nilang banal ang aking pangalan. Gagawin nilang banal ang pangalan ng Banal ni Jacob at hahanga sila sa Diyos ng Israel. 24 Ang mga nagkamali sa kanilang iniisip ay magkakaroon ng pang-unawa, ang mga mareklamo ay matututo ng kaalaman. "
Chapter 30
1 "Kaawa-awa ang mga suwail na anak," ito ang pahayag ni Yahweh. "Gumagawa sila ng mga plano, pero hindi mula sa akin; gumagawa sila ng mga alyansa sa mga ibang bansa, pero hindi sila ginabayan ng aking Espiritu, kaya nagdadagdag sila ng kasalanan sa kasalanan. 2 Pumunta sila sa Ehipto, pero hindi hiningi ang aking direksyon. Naghahanap sila ng proteksyon mula sa Faraon at kumubli sa anino ng Ehipto. 3 Kaya nga ang proteksyon ni Faraon ay magiging kahihiyan ninyo, at ang kublihan sa lilim ng Ehipto, ay inyong kahihiyan, 4 kahit na nasa Zoan ang kanilang mga prinsipe, at ang kanilang mga mensahero ay dumating sa Hanes. 5 Mapapahiya silang lahat dahil sa bayan na hindi sila matulungan, na hindi tulong o saklolo, kundi kahihiyan, at isa pang kadungisan. 6 Isang pagpapahayag tungkol sa mga halimaw ng Negev: Sa iba't ibang dako ng lupain ng kaguluhan at panganib, ng babaeng leon at ng lalaking leon, ang ulupong at ang umaapoy na dragon, ikinakarga nila ang kanilang mga kayamanan sa likod ng mga asno, at ang kanilang yaman sa mga umbok ng mga kamelyo, patungo sa isang grupo ng mga tao na hindi sila matutulungan. 7 Dahil ang tulong ng Ehipto ay walang halaga; kaya nga tinawag ko siyang Rahab, na walang ginagawa. 8 Ngayon humayo kayo, isulat ninyo sa kasama sila sa isang bato, at itala ito sa isang balumbon, para mapanatili ito para sa darating na panahon bilang isang katibayan. 9 Dahil ang mga ito ay mga suwail na bayan, mga sinungaling na bata, mga bata na hindi nakikinig sa tagubilin ni Yahweh. 10 Sinasabi nila sa mga manghuhula, "Huwag kayong manghula", at sa mga propeta, "Huwag kayong magpahayag sa amin ng tuwirang katotohanan; magsabi kayo sa amin ng mga bagay na magandang pakinggan; magpahayag ng mga panlilinlang; 11 lumiko mula sa daan; lumiko mula sa landas; alisin Ang Diyos na Banal ng Israel mula sa aming harapan." 12 Kaya nga sinasabi ng Diyos na Banal ng Israel, "Dahil tinatanggihan ninyo ang salitang ito at nagtitiwala kayo sa pang-aapi at panlilinlang at umaasa dito, 13 kaya ang kasalanang ito ay magiging sa inyo tulad ng isang sirang bahagi na handa nang bumagsak, tulad ng isang umbok sa isang mataas na pader na kung saan ang kanyang pagbagsak ay mangyayari nang biglaan, sa isang saglit. 14 Babasagin niya ito na parang ang sisidlan ng isang magpapalayok na nabasag; hindi niya ititira ito, kung kaya't walang matatagpuan sa mga piraso nito ng isang matalas na piraso na maaaring gamitin para kayurin ang apoy mula sa apuyan, o salukin ang tubig mula sa malaking imbakan ng tubig. 15 Dahil ito ang sinasabi ng Panginoong Yahweh, Ang Banal ng Israel, "Sa panunumbalik at pagpapahinga kayo ay maliligtas; sa katahimikan at sa pagtitiwala ang inyong magiging kalakasan. Pero hindi kayo pumapayag. 16 Sinabi ninyo, 'Hindi, dahil tatakas kami sakay ng mga kabayo,' kaya tatakas nga kayo; at, ' Sasakay kami sa matutulin na mga kabayo,' kaya ang mga hahabol sa inyo ay magiging matulin. 17 Isang libo ang tatakas sa banta ng isa; sa banta ng lima tatakas kayo hanggang ang mga nalalabi sa inyo ay magiging tulad ng isang poste ng bandila sa tuktok ng isang bundok, o tulad ng isang bandila sa isang burol." 18 Gayunman naghihintay si Yahweh na maging mapagbigay-biyaya sa inyo. Kaya nga siya ay itataas, handa na bigyan kayo ng awa. Dahil si Yahweh ay isang Diyos ng katarungan; pinagpala ang lahat na naghihintay sa kanya. 19 Dahil isang pangkat ng mga tao ang maninirahan sa Sion, sa Jerusalem, at hindi na kayo iiyak. Tiyak na magbibigay-biyaya siya sa inyo sa tunog ng inyong pag-iyak. Kapag narinig niya ito, sasagot siya sa inyo. 20 Kahit na binibigyan kayo ni Yahweh ng tinapay ng kahirapan at tubig ng kalungkutan, kahit gayon, hindi na itatago ng inyong guro ang kanyang sarili, pero makikita ninyo ang inyong guro sa sarili ninyong mga mata. 21 Maririnig ng inyong mga tainga ang salita sa inyong likuran na nagsasabing, "Ito ang daan, lakaran ninyo ito," kapag lumiko kayo sa kanan o kapag lumiko kayo sa kaliwa. 22 Lalapastanganin ninyo ang inyong mga inukit na imahe na nababalutan ng pilak at ang inyong mga pigurang hinulma sa ginto. Itatapon ninyo ang mga iyon tulad ng isang pasador. Sasabihin ninyo sa kanila, "Umalis kayo dito." 23 Ibibigay niya ang ulan para sa inyong binhi kapag maghahasik kayo sa lupa, at tinapay na masagana mula sa lupa. At magiging masagana ang mga pananim. Sa araw na iyon, ang inyong mga baka ay manginginain ng damo sa mga malawak na mga pastulan. 24 Ang mga baka at mga asno, na nag-aararo ng lupa, ay kakain ng tinimplahang pagkain na tinahip ng isang pala at isang pangkalaykay. 25 Sa bawat mataas na bundok at sa bawat mataas na burol, magkakaroon ng mga umaagos na batis at mga sapa ng mga tubig, sa araw ng walang habas na pagpatay sa panahon na bumabagsak ang mga tore. 26 Ang liwanag ng buwan ay magiging tulad ng liwanag ng araw, at ang liwanag ng araw ay magiging pitong beses na mas maliwanag, tulad ng liwanag ng araw ng pitong araw. Bibigkisin ni Yahweh ang pagkabali ng kanyang bayan at pagagalingin ang mga sugat ng kanyang panunugat sa kanila. 27 Masdan ninyo, ang pangalan ni Yahweh ay dumarating mula sa malayong lugar, lumiliyab sa kanyang galit at nasa makapal na usok. Ang kanyang labi ay puno ng matinding galit, at ang kanyang dila ay tulad ng isang lumalamon na apoy. 28 Ang kanyang hininga ay tulad ng isang umaapaw na malakas na agos na umaabot pataas sa gitna ng leeg, para salain ang mga bansa ng salaan ng pagkawasak. Ang kanyang hininga ay isang kabisada sa mga panga ng mga tao para dulutin silang magpagala-gala. 29 Magkakaroon kayo ng awitin sa gabi kapag ipinagdiriwang ang isang banal na pista, at kagalakan ng puso, kapag ang isa ay pumunta dala ang isang plauta sa bundok ni Yahweh, sa Bato ng Israel. 30 Ipaparinig ni Yahweh ang karangyaan ng kanyang tinig at ipapakita ang galaw ng kanyang bisig nang may silakbo ng galit at mga liyab ng apoy, kasama ng bagyo na may malakas na hangin, ulan kasama ng unos, at mga yelo. 31 Dahil, sa tinig ni Yahweh, mawawasak ang Asiria; sila ay hahampasin niya ng baston. 32 At bawat paghampas ng inilaang pamalo na ipapatama ni Yahweh sa kanila ay sasamahan ng musika ng mga tamburin at mga alpa habang sila ay ginigiyera at nilalabanan niya. 33 Dahil may isang lugar ng pagsusunugan ang matagal nang inihanda. Tunay nga, ito ay inihanda para sa hari, at ginawa ito ng Diyos na malalim at malawak. Handa na ang salansanan na may apoy at maraming kahoy. Sisindihan ito ng hininga ni Yahweh, na tulad ng isang batis ng asupre.
Chapter 31
1 Nakaaawa ang mga bumababa sa Ehipto para humingi ng tulong at umaasa sa mga kabayo, at magtitiwala sa mga karwahe (dahil sila ay marami) at sa mangangabayo (dahil sila ay hindi mabilang). Pero hindi nila isinasaalang-alang ang Banal ng Israel, ni hinahanap nila si Yahweh! 2 Gayunman siya ay marunong, at nagdadala siya ng sakuna at hindi niya binabawi ang kaniyang mga salita. At siya ay babangon laban sa masamang sambahayan at laban sa mga alipin na nakagawa ng kasalanan. 3 Ang Ehipto ay isang tao at hindi Diyos, ang kanilang mga kabayo ay laman at hindi espiritu. Kapag inunat ni Yahweh ang kaniyang kamay, parehas na matitisod ang tumulong, at mahuhulog ang tinulungan; parehas silang maglalaho. 4 Ito ang sinasabi sa akin ni Yahweh, "Tulad ng isang leon, kahit ang batang leon, na umaatungal sa gutay-gutay na biktima nito, pagkatapos na ang isang pangkat ng mga pastol ay tinawag laban dito, pero hindi ito manginginig sa kanilang mga tinig, ni tatakas sa kanilang ingay; kaya si Yahweh ng mga hukbo ng mga anghel ay bababa para lumaban sa Bundok ng Sion, sa burol na iyon. 5 Tulad ng mga ibon na lumilipad, si Yahweh ng mga hukbo ng mga anghel ay pangangalagaan ang Jerusalem; mangangalaga at magliligtas siya habang dumadaan dito at pinapanatili ito. 6 Bumalik kayo sa kaniya kayong malalim na tumalikod, bayan ng Israel. 7 Dahil sa araw na iyon aalisin ng bawat isa ang kaniyang mga diyus-diyosang pilak at ang kaniyang mga diyus-diyosang ginto na makasalanang ginawa ng inyong sariling mga kamay. 8 Babagsak ang Asiria sa pamamagitan ng espada, isang espada na hindi ginawa ng tao ang papatay sa kaniya. Makatatakas siya mula sa espada, at ang kaniyang mga binata ay pipiliting gumawa nang mabibigat na trabaho. 9 Panghihinaan sila ng loob dahil sa takot, at ang kaniyang mga prinsipe ay matatakot sa pagtanaw nila ng bandilang pandigma ni Yahweh." - Ito ang pagpapahayag ni Yahweh, na ang apoy ay nasa Sion at ang pugon niya ay nasa Jerusalem.
Chapter 32
1 Pagmasdan mo, isang hari ang maghahari sa katuwiran, at mga prinsipe ang mamumuno sa katarungan. 2 Bawat isa ay magiging tulad ng isang kanlungan sa hangin at isang kublihan sa bagyo, tulad ng tubig sa batis sa isang tuyong lugar, tulad ng lilim ng isang malaking bato sa isang lupain ng kapaguran. 3 Pagkatapos ang mga mata ng nakakikita ay hindi lalabo, at ang mga tainga ng mga nakaririnig ay makakarinig ng mabuti. 4 Ang walang pag-iingat ay mag-iisip ng mabuti na may pagkaunawa, at ang nauutal ay magsasalita ng malinaw at madali. 5 Hindi magtatagal ang hangal ay tatawaging marangal, ni ang mandaraya ay tatawaging may prinsipyo. 6 Dahil nagsasalita ang hangal ng kahangalan, at ang kaniyang puso ay nagpaplano ng masama at hindi maka-diyos na gawain, at nagsasalita siya ng mali laban kay Yahweh. Ginugutom niya ang gutom, at inuuhaw niya ang mga uhaw. 7 Ang mga paraan ng mandaraya ay masama. Mag-iisip siya ng mga masamang balak nang may kasinungalingan para wasakin ang mahirap, kahit na sinasabi ng dukha kung ano ang tama. 8 Pero ang taong marangal ay gumagawa ng mga marangal na plano; at dahil sa kaniyang mga marangal na kilos siya ay mananatili. 9 Bumangon kayo, kayong mga babaeng kampante, at makinig sa aking tinig; kayong mga anak na babae na walang inaalala, makinig kayo sa akin. 10 Dahil pagkalipas ng isang taon ang iyong kumpiyansa ay masisira, kayong mga babae na walang inaalala, dahil ang aning ubas ay magkukulang, ang pagtitipon ay hindi darating. 11 Manginig kayo, kayong mga babaeng kampante; maging maligalig, kayong mga panatag; hubarin ninyo ang inyong magagandang kasuotan at ilantad ninyo ang inyong kahubaran; magsuot kayo ng sako sa inyong mga baywang. 12 Mananangis kayo para sa mga bukid na kaaya-aya, para sa mabungang puno ng mga ubas. 13 Ang lupain ng aking bayan ay labis na tutubuan ng mga tinik at mga dawag, kahit ang lahat na minsang may kagalakan ng mga bahay sa lungsod ng katuwaan. 14 Dahil ang palasyo ay iiwan, ang matataong lungsod ay pababayaan; ang burol at ang bantayang tore ay magiging mga kweba habang-buhay, isang kagalakan para sa mga ligaw na asno, isang pastulan ng mga kawan; 15 hanggang ibuhos sa atin ang Espiritu mula sa kaitaasan, at ang ilang ay magiging isang bukid na mabunga, at ang bukid na mabunga ay ituturing na isang gubat. 16 Pagkatapos ang katarungan ay maninirahan sa ilang; at ang katuwiran ay maninirahan sa mabungang bukid. 17 Ang gawa ng katuwiran ay magiging kapayapaan; at ang bunga ng katuwiran, katahimikan at pagtitiwala magpakailanman. 18 Ang bayan ko ay maninirahan sa isang mapayapang tirahan, sa mga ligtas na tahanan, at sa matahimik na mga lugar ng kapahingahan. 19 Pero kahit kung umulan ng mga yelo at ang gubat ay mawasak, at ang lungsod ay ganap na nalipol, 20 kayong naghahasik sa tabi ng lahat ng mga batis ay magiging mapalad, kayong nagpapalabas ng inyong baka at asno para manginain.
Chapter 33
1 Kayo ay kaawa-awa, kayong mga tagawasak na hindi pa nawawasak! Kaawa-awa kayong mga taksil na hindi pinagtaksilan! Kapag itinigil ninyo ang pangwawasak, kayo ay mawawasak. Kapag itinigil ninyo ang pagtataksil, sila ay magtataksil sa inyo. 2 Yahweh, maging maawain ka sa amin; maghihintay kami para sa iyo; maging aming bisig tuwing umaga, aming kaligtasan sa panahon ng kaguluhan. 3 Sa lakas ng ingay tumatakas ang mga tao; kapag bumangon ka, ang mga bansa ay nagkakawatak-watak. 4 Ang iyong nasamsam ay tinitipon gaya ng mga balang na nagtitipon; gaya ng paglukso ng mga balang, ang mga tao ay lumulukso dito. 5 Si Yahweh ay itinaas. Siya ay naninirahan sa isang mataas na lugar. Pupunuin niya ang Sion ng katarungan at katuwiran. 6 Siya ay magiging katatagan sa mga panahon ninyo, kasaganaan ng kaligtasan, karunungan, at kaalaman; ang pagkatakot kay Yahweh ay ang kaniyang kayamanan. 7 Pagmasdan mo, umiyak ang kanilang mga sugo sa mga lansangan; kinatawang umaasa para sa kapayapaan ay nanangis nang may kalungkutan. 8 Ang mga malawak na daanan ay napabayaan; wala ng mga manlalakbay. Ang mga kasunduan ay nasira, ang mga saksi ay hinamak, at ang mga lungsod ay hindi iginalang. 9 Ang lupain ay nagdadalamhati at natutuyot; ang Lebanon ay nalalanta at natutuyot; ang Sharon ay tulad ng isang patag na disyerto; at ang Bashan at Carmelo ay nagpapagpag ng kanilang mga dahon. 10 "Ngayon babangon ako," sabi ni Yahweh; "Ngayon maitataas ako; ngayon ako ay itataas. 11 Nagbuntis kayo ng ipa, at ipanganganak ninyo ay dayami; ang inyong hininga ay isang apoy na tutupok sa inyo. 12 Ang bayan ay masusunog sa apog, gaya ng mga mayabong na halamang tinik na pinuputol at sinusunog. 13 Kayo na nasa malayo, pakinggan ninyo kung ano ang aking nagawa; at, kayo na nasa malapit, kilalanin ninyo ang aking kakayahan." 14 Ang mga makasalanan sa Sion ay natatakot; panginginig ang lumukob sa mga hindi maka-diyos. Sino sa atin ang kayang manirahan ng ilang araw sa lumalagablab na apoy? Sino sa atin ang kayang manirahan sa walang hanggang pagkakasunog? 15 Siya na lumalakad nang matuwid at nagsasalita nang matapat; siyang namumuhi sa pakinabang sa pang-aapi, na tumatanggi para tumanggap ng suhol, na hindi nagbabalak ng marahas na krimen, at hindi tumitingin sa masama. 16 Siya ay gagawa ng kaniyang tahanan sa kaitaasan; ang lugar ng kaniyang kuta ay magiging mga batong tanggulan; ang kaniyang pagkain at tubig ay magpapatuloy na dadaloy. 17 Makikita ng inyong mga mata ang hari sa kaniyang kagandahan; sila ay tatanaw ng isang malawak na lupain. 18 Magugunita ng inyong puso ang kilabot; nasaan ang eskriba, nasaan siya na nagtimbang ng pera? Nasaan siya na bumilang ng mga tore? 19 Hindi na ninyo makikita ang bayan na suwail, isang bayan na may isang kakaibang wika, na hindi ninyo mauunawaan. 20 Pagmasdan ang Sion, ang lungsod ng aming mga pista; makikita ng inyong mga mata ang Jerusalem bilang isang tahimik na matitirahan, isang tolda na hindi maaalis, na ang mga tulos ay hindi mahihila ni anuman sa mga tali nito ang masisira. 21 Sa halip, ang kadakilaan ni Yahweh ay mapapasaatin, sa isang lugar na malawak na mga ilog at batis. Walang bapor na pandigma na may mga sagwan ang maglalakbay dito, at walang mga malalaking barko ang maglalayag dito. 22 Dahil si Yahweh ay ating hukom, si Yahweh ay ating tagapagbigay ng batas, si Yahweh ay ating hari; ililigtas niya tayo. 23 Ang inyong mga palubid at palayag ay maluwag; hindi nila mapipigilan ang poste ng bapor sa lugar; hindi nila mailaladlad ang layag; kapag ang malaking samsam ay nahati, kahit ang pilay ay hihilahin ang nasamsam. 24 Hindi sasabihin ng mga naninirahan, "Ako ay may sakit;" ang bayan na naninirahan doon ay patatawarin sa kanilang kasalanan.
Chapter 34
1 Lumapit kayo, kayong mga bansa, at makinig; bigyang-pansin, kayong bayan! Ang lupa at lahat ng pumupuno rito ay dapat makinig, ang mundo, at lahat ng mga bagay na nanggagaling mula rito. 2 Dahil si Yahweh ay galit sa lahat ng mga bansa, at galit na galit laban sa lahat ng kanilang mga hukbo; sila ay lubos niyang winasak, ibinigay niya sila para katayin. 3 Ang mga pinatay nila ay maiiwang hindi nakalibing; ang masangsang na amoy ng kanilang mga bangkay ay nasa lahat ng dako, at ang mga bundok ay mabababad ng kanilang dugo. 4 Lahat ng bituin sa kalawakan ay maglalaho, at ang kalawakan ay ibabalumbon gaya ng isang balumbon ng kasulatan; at lahat ng kanilang mga bituin ay maglalaho, gaya ng dahon na nalalagas mula sa patay na puno ng ubas, at gaya ng labis na hinog ng mga igos mula sa puno ng igos. 5 Sa oras na mabusog ang aking espada sa langit mula sa pag-inom; pagmasadan ninyo, bababa ito sa Edom, sa bayan na ibinukod ko para wasakin. 6 Ang espada ni Yahweh ay puno ng dugo at nababalutan ng taba, may tumutulong dugo ng mga batang tupa at mga kambing, nababalutan ng taba ang mga lamang-loob ng mga lalaking tupa. Dahil si Yahweh ay may isang handog sa Bosra at may isang malaking katayan sa lupain ng Edom. 7 Ang mababangis na baka ay kakatayin kasama nila, at ang mga batang toro na kasama ang mas nakatatanda. Ang kanilang lupain ay magiging lango sa dugo, at ang kanilang alikabok ay pinataba ng katabaan. 8 Dahil ito ay magiging araw ng paghihiganti para kay Yahweh at taon kung saan maghihiganti siya laban sa kanila para sa kapakanan ng Sion. 9 Ang mga batis ng Edom ay mapapalitan ng alkitran, ang kaniyang alikabok ay asupre, at kaniyang lupain ay magiging sunog na alkitran. 10 Masusunog ito sa gabi at araw; ang usok nito ay tataas magpakailanman; mula sa bawat salinlahi ito ay magiging isang tambakan ng basura; walang sinuman ang makararaan dito magpakailanman pa man. 11 Pero ang mga mailap na ibon at hayop ay maninirahan doon; ang kuwago at ang uwak ay gagawa ng kanilang pugad dito. Iuunat niya sa ibabaw nito ang hangganan ng pagkawasak at ang panukat ng pagkasira. 12 Ang kaniyang mga maharlika ay mawawalan ng matatawag na kaharian, at ang lahat ng kaniyang mga prinsipe ay mababalewala. 13 Ang mga tinik ay lubos na lalaki sa kaniyang mga palasyo, kulitis at mga dawag sa kaniyang tanggulan. Magiging tahanan ito ng mga asong-gala, ang lugar para sa mga ostrich. 14 Ang mga mabangis na hayop at ang mga asong-gubat ay magtatagpo doon, at ang mabangis na mga kambing ay nagsigawan sa isat-isa. Ang mga panggabing hayop ay mamamalagi doon at maghahanap para sa kanila ng isang lugar na mapapahingahan. 15 Ang mga kuwago ay gagawa ng mga pugad, mangingitlog at pipisain ang kanilang mga itlog, pipisain at pangangalagaan ang kanilang inakay. Oo, magtitipon doon ang mga lawin, bawat isa ay may kapareha. 16 Maghanap kayo mula sa balumbon ng kasulatan ni Yahweh; wala isa man sa mga ito ang mawawala. Walang magkukulang ng kapareha; dahil inutos ito ng kaniyang bibig, at sila ay tinipon ng kaniyang espiritu. 17 Nagpalabunutan siya para sa kanilang nasasakupan, at sinukat ito ng kaniyang kamay para sa kanila sa pamamagitan ng isang tali. Aangkinin nila ito magpakailanman, mula sa bawat salinlahi sila ay maninirahan doon.
Chapter 35
1 Ang ilang at ang Araba ay magagalak; at ang ilang ay magsasaya at mamumulaklak gaya ng rosas. 2 Ito ay mamumulaklak ng masagana at magsasaya na may kagalakan at awitan; ang kaluwalhatian ng Lebanon ay ibibigay dito, ang karangyaan ng Carmelo at Sharon; makikita nila ang kaluwalhatian ni Yahweh, ang karangyaan ng ating Diyos. 3 Palakasin ninyo ang mahihinang kamay, at patatagin ninyo ang mga tuhod na nangangatog. 4 Sabihin ninyo sa mga taong natatakot na puso, "Maging matapang kayo, huwag matakot! Pagmasdan ninyo, ang inyong Diyos ay darating na may paghihiganti, kasama ang paniningil ng Diyos. Darating siya at ililigtas kayo." 5 Pagkatapos ang mga mata ng bulag ay makakakita, at ang mga tainga ng bingi ay makakarinig. 6 Pagkatapos ang taong pilay ay lulukso tulad ng isang usa, at ang piping dila ay aawit, dahil magkakatubig sa bukal mula sa Araba, at magkakabatis sa ilang. 7 Ang nasusunog na buhangin ay magiging isang lawa, at ang uhaw na lupa ay magiging mga bukal na tubig, sa tinitirahan ng mga asong-gubat, kung saan sila ay minsang humihiga, ay magiging damo na may mga tambo at mga talahib. 8 Isang malawak na daanan ang naroroon at tinawag iyon na Ang Banal na Daan. Hindi makapaglalakbay dito ang marumi. Pero ito ay magiging sa kaniya na maglalakad dito. Walang hangal ang makapupunta dito. 9 Hindi magkakaroon ng leon at mabangis na hayop doon; hindi sila matatagpuan doon, pero ang tinubos ay lalakad doon. 10 Ang tinubos ni Yahweh ay babalik at darating na may pag-aawitan sa Sion, at magkakaroon ng walang hanggang kagalakan sa kanilang mga ulo; kasiyahan at kagalakan ang pupuno sa kanila; kalungkutan at pagbuntong-hininga ay mawawala.
Chapter 36
1 Sa ika-labing-apat na taon ni Haring Hezekias, si Senaquerib, Hari ng Asiria, ay nilusob ang lahat ng pinagtibay na lungsod ng Juda at nabihag ang mga ito. 2 Pagkatapos ang Hari ng Asiria ay isinugo ang pangunahing pinuno mula sa Laquis sa Jerusalem kay Haring Hezekiaz kasama ng isang malaking hukbo. Lumapit siya sa daluyan ng tubig ng lawang nasa itaas, sa daang patungo sa bukid ng labahan, at nanatili dito. 3 Ang opisyales ng Israel na sumalubong sa labas ng lungsod para kausapin sila ay sina Eliakim anak ni Hilkias, ang administrador ng palasyo, Sebna ang kalihim ng hari, at Joa anak ni Asaf, na may-akda ng mga kapasyahan ng pamahalaan. 4 Sinabi ng pangunahing pinuno sa kanila, "Sabihin kay Hezekias na ang dakilang hari, ang hari ng Asiria, sinasabing, 'Ano ang pinagmumulan ng inyong lakas ng loob? 5 Nagsasabi kayo ng walang kabuluhang mga salita, sinasabing mayroong pagpapayo at kakayahan para sa pakikidigma. Ngayon kanino kayo nagtitiwala? Sino ang nagbigay ng tapang sa inyo para labanan ako? 6 Tingnan ninyo, kayo ay nagtitiwala sa Ehipto, iyang buhong may lamat na ginagamit mong tungkod, pero kung madiinan ito, babaon ito sa kanyang kamay at susugat ito. Iyon ay kung ano ang Faraon hari ng Ehipto sa sinumang magtitiwala sa kanya. 7 Pero kung sasabihin mo sa akin, "Kami ay nagtitiwala kay Yahweh aming Diyos," hindi ba siya ang isang ang mga bantayog at altar ay giniba ni Hezekias, at nagsabi kay Juda at sa Jerusalem, "Dapat kayong sumamba sa harap ng altar na ito sa Jerusalem? 8 Kaya ngayon, gusto ko kayong bigyan ng magandang alok mula sa aking panginoon na hari ng Asiria. Bibigyan ko kayo ng dalawang libong kabayo, kung makakahanap kayo ng sasakay sa mga ito. 9 Paano kayo mananaig kahit sa isang kapitan ng pinakamahina ng mga alipin ng aking panginoon. Inilagay mo ang inyong pagtitiwala sa Ehipto para sa mga karwaheng pandigma at mangangabayo! 10 Kaya ngayon, naglakbay ba ako dito nang wala si Yahweh para labanan at lipulin ang lupaing ito? Sinabi ni Yahweh sa akin," "Lusubin at wasakin ang lupaing ito."" 11 Pagkatapos sinabi nii Eliakim anak ni Hilkias, at Sebna, at Joa sa pangunahing pinuno, "Maaari bang kausapin ang inyong mga lingkod sa wikang Araminia, ang Aramaic, dahil naiintindihan namin ito. Huwag ninyo kaming kausapin sa wika ng Juda na naririnig ng mga tao na nasa itaas ng pader. 12 Pero sinabi ng pinunong kumander, ''Ipinadala ba ako ng aking panginoon sa inyong panginoon at sa inyo para sabihin ang mga salitang ito? Hindi ba ipinadala niya ako para sa mga nakaupo sa pader, silang mga kakain ng kanilang sariling dumi at iinom ng kanilang sariling ihi kasama ninyo?'' 13 pagkatapos tumayo ang pangunahing pinuno at sumigaw ng malakas sa wika ng mga Judio, sinasabing, "Pakingggan ang mga salita ng dakilang hari, ang hari ng Asiria. 14 Sinasabi ng hari, 'Huwag hayaang linlangin kayo ni Hezekias, dahil hindi niya kayo kayang sagipin. 15 Huwag ninyong hayaan pagtiwalain kayo ni Hezekias kay Yahweh, sinasabing, "Totoong ililigtas tayo ni Yahweh; hindi niya ibibigay ang lungsod na ito sa hari ng Asiria"" 16 Huwag kayong makinig kay Hezekias, dahil ito ang sinasabi ng hari ng Asiria: Makipagkasundo kayo at lumapit sa akin. Pagkatapos ang lahat ay makakakain mula sa kanyang sariling ubasan at mula sa kaniyang sariling puno ng igos, at uminom mula sa tubig ng kanyang sariling balon. 17 Gagawin mo ito hanggang ako ay dumating at aalisin ka sa iyong sariling lupain, lupain ng butil at bagong alak, lupain ng tinapay at mga ubasan.' 18 Huwag ninyong hayaan na iligaw kayo ni Hezekias, sinasabing, 'sasagipin tayo ni Yahweh'. Mayroon bang mga diyos ng mga tao ang sasagip sa kanila mula sa kapangyarihan ng hari ng Asiria? 19 Nasaan ang mga diyos ng Hamat at Arpad? Nasaan ang mga diyos ng Sefarvaim? Sinagip ba nila ang Samaria mula sa aking kapangyarihan? 20 Sa lahat ng mga diyos ng mga lupaing ito, mayroon bang sinumang diyos na sumagip ng kanyang lupain mula sa aking kapangyarihan, na parang maililigtas ni Yahweh ang Jerusalem mula sa aking kapangyarihan?" 21 Pero nanatiling tahimik ang mga tao at hindi sumagot, dahil ang kautusan ng hari ay, "Huwag ninyo siyang sasagutin." 22 Kaya si Eliakim anak ni Hilkias, na namumuno sa sambahayan, Sebna ang escriba, at Joa anak ni Asaf, ang tagapagtala, ay nagtungo kay Hezekias nang punit ang kanilang damit, at iniulat sa kanya ang mga sinabi ng pinunong kumander.
Chapter 37
1 Ito ang nangyari nang narinig ni Haring Hezekias ang kanilang ulat, pinunit niya ang kanyang kasuotan, sinuotan ang sarili ng sako, at nagtungo sa tahanan ni Yahweh. 2 Ipinadala niya si Eliakim, na namumuno sa sambayahan, at Sebna ang escriba, at ang mga nakatatanda ng mga pari, lahat nakasuot ng sakong tela, kay Isaias anak ni Amos, ang propeta. 3 Sinabi nila sa kaniya, "Sinasabi ni Hezekias, 'Ang araw na ito ay araw ng paghihirap, pagsasaway at kahihiyan, tulad kapag ang isang sanggol ay handa ng isilang, pero ang ina ay walang kalakasang iluwal ang kanyang sanggol. 4 Maaaring maririnig ni Yahweh inyong Diyos ang mga salita ng pangunahing pinuno, na siyang ipinadala ng hari ng Asiria kanyang panginoon para hamunin ang buhay na Diyos, at sasawayin ang mga salitang narinig ni Yahweh inyong Diyos. Itaas ninyo ngayon ang inyong panalangin para sa mga nalalabi na naroroon pa."" 5 Kaya ang mga lingkod ni Haring Hezekias ay nagtungo kay Isaias 6 at sinabi sa kanila ni Isaias, 'Sabihin ninyo sa inyong panginoon: sinabi ni Yahweh, "Huwag kayong matakot sa mga salitang inyong narinig, na kung saan hinamak ako ng mga lingkod ng hari ng Asiria. 7 Pagmasdan ninyo, maglalagay ako ng isang espiritu sa kanya, at makakarinig siya ng isang ulat at magbabalik sa kanyang sariling lupain. Dudulutin kong siyang mahulog sa espada sa kanyang sariling lupain."" 8 Pagkatapos ang pinunong kumander ay nagbalik at inabot ang Hari ng Asiriang nakikipagdigma kay Libna, dahil narinig niya na ang hari ay umalis mula sa Laquis. 9 Pagkatapos narinig ni Senaquerib na si Tirhaka hari ng Etiopia at Ehipto ay naghahanda para lumaban sa kanya, kaya muli siyang nagpadala ng tagapagbalita kay Hezekias kasama ng isang mensahe: 10 "Sabihin kay Hezekias, hari ng Juda, 'Huwag hayaang linlalingin kayo ng inyong Diyos na inyong pinagtitiwalaan, nagsasabing, "Hindi ibibgay sa kamay ng hari ng Asiria ang Jerusalem." 11 Masdan ninyo, narinig ninyo kung ano ang ginawa ng mga hari ng Asiria sa lahat ng lupain na ganap nang winasak. Kaya maililigtas ba kayo? 12 Nailigtas ba sila ng mga diyos ng mga bansa, mga bansang winasak ng aking mga ama: ang Gozan, Haran, Resef, at mamamayan ng Eden sa Telasar? 13 Nasaan ang hari ng Hamat, hari ng Arpad, hari ng mga lunsod ng Sefarvaim, ng Hena at Iva?" 14 Tinanggap ni Hezekias ang liham na ito mula sa mensahero at binasa ito. Pagkatapos umakyat siya sa bahay ni Yahweh at inilatag ito sa kanyang harapan. 15 Nanalangin si Hezekias kay Yahweh: 16 Yahweh ng mga hukbo, Diyos ng Israel, ikaw na nakaupo sa ibabaw ng kerubin, ikaw ang tangging Diyos sa lahat ng kaharian ng mundo. Ikaw na gumawa ng mga langit at lupa. 17 Ibaling mo ang inyong tainga, Yahweh, at makinig. Imulat mo ang inyong mga mata, Yahweh, at tingnan mo, at dingin mo ang mga salita ni Senaquerib, na kanyang ipinadala para alipustahin ang Diyos na buhay. 18 Totoo ito, Yahweh, winasak ng mga hari ng Asiria lahat ng mga bansa at kanilang mga lupain. 19 Inilagay nila sa apoy ang kanilang mga diyos, dahil sila ay hindi mga diyos pero gawa ng kamay ng mga tao, kahoy lamang at bato. Kaya winasak sila ng mga taga-Asiria. 20 Pero ngayon, Yahweh aming Diyos, iligtas mo kami mula sa kanyang kapangyarihan, para malaman ng lahat ng kaharian sa mundo na ikaw Yahweh ang nag-iisa." 21 Pagkatapos magpadala ni Isaias anak ni Amos ng mensahe kay Hezekias, nagsasabing, "Yahweh, ang Diyos ng Israel ay sinasabing, 'Dahil ikaw ay nanalangin sa akin tungkol kay Senaquerib hari ng Asiria, 22 ito ang salitang sinalita ni Yahweh tungkol sa kanya: "Ang birheng anak ng Sion ay kinamumuhian ka at tinatawanan ka para kutyain; ang mga anak na babae ng Jerusalem ay iniiling ang kanilanh ulo para sa iyo. 23 Sino ang iyong nilapastangan at hinamak? at laban kanino mo itinaas ang iyong tinig at nagmataas sa iyong mga tinggin? Laban sa Ang Banal ng Israel. 24 Sa iyong mga lingkod nilapastangan mo ang Panginoon at nagsabing, 'Sa dami ng aking mga karwaheng pandigma umangat ako ng kasingtaas ng mga bundok, sa pinakamataas na sukat mula sa lupa ng Lebanon. Puputulin ko ang kanyang mataas na mga punong cedar at piling puno ng pir doon, at papasukin ko ang dulo ng kanilang matataas ng mga lugar, sa kanilang mayamang gubat. 25 Nakapaghukay ako ng mga balon at uminom ng kanilang tubig; tinuyo ko ang mga ilog ng Ehipto sa ilalim ng aking mga paa.' 26 Hindi mo ba narinig kung paano ko binalak ito noon pa man at gawin ito ng sinaunang panahon? Ngayon, gagawin ko na itog mangyari. Ikaw ay naririto para gawing tumpok ng batong durog ang mga hindi matinag na mga lunsod. 27 Ang mga naninirahan dito, na walang kalakasan, ay litong-lito at hiyang-hiya. Sila ay mga pananim sa bukid, damong luntian, ang damo sa ibabaw ng bubong o sa bukid, sa harap ng hanging silangan. 28 Pero alam ko ang iyong pag-upo, ang iyong paglabas, ang iyong pagpasok, at iyong labis na galit sa akin. 29 Dahil sa labis mong galit sa akin, at dahil sa iyong pagmamataas ay nakaabot sa aking mga tainga, ilalagay ko ang aking kawit sa iyong ilong, at aking lubid sa iyong bibig; ibabalik kita sa pinanggalingan mo." 30 Ito ang magiging palatandaan sa iyo: Sa taong ito kakain ka ng ligaw na halaman, at sa ikalawang taon kung ano ang bunga nito. Pero sa ikatlong taon kailangan mong magtanim at mag-ani, magtanim ng ubasan at kainin ang kanilang bunga. 31 Ang nalalabing lahi ni Juda ay muling mag-uugat at mamumunga. 32 Kaya may nalalabi mula sa Jerusalem ang lalabas; may mga nakaligtas mula sa Bundok ng Sion ang darating.' Ang kasigasigan ni Yahweh ng mga hukbo ang gagawa nito." 33 Kaya ito ang sinasabi ni Yahweh sa hari ng Asiria: "Hindi siya makararating sa lungsod na ito, ni papana ng palaso dito. Ni makakalapit ito ng may panangga o gumawa ng taguan laban dito. 34 Ang daang pinanggalingan niya ay ang daan din na kanyang pag-aalisan; hindi siya makakapasok sa lungsod na ito. Ito ang kapahayagan ni Yahweh. 35 Dahil ipagtatanggol ko ang lungsod na ito at sasagipin ito, sa aking kapakanan at sa kapakanan ni David aking lingkod." 36 Pagkatapos ay dumating ang angel ni Yahweh at lumusob sa kampo ng Asiria, pinatay ang 185, 000 na sundalo. Nang maagang gumising ang mga kawal, nagkalat ang patay kahit saan. 37 Kaya si Senaquerib hari ng Asiria ay umuwi at nanatili sa Nineveh. 38 Kalaunan, habang siya ay nagpupuri sa tahanan ng kanyang diyos na si Nisroc, pinatay siya ng kanyang mga anak na si Adramelec at Sarezer gamit ang espada. Pagkatapos sila ay nagtago sa lupain ng Ararat. Tapos ang kanyang anak si Esarhadon ang naghari kapalit niya.
Chapter 38
1 Nang mga araw na iyon, malubhang nagkasakit si Hezekias. Kaya dinalaw siya ni Isaias anak ni Amos, ang propeta, at sinabi sa kaniya, "pinasasabi ni Yahweh, 'Ilagay mo sa ayos ang iyong sambahayan; dahil mamamtay ka na at hindi na mabubuhay.'" 2 Pagkatapos humarap sa pader si Hezekias at nanalangin kay Yahweh. 3 Kanyang sinabi, "Paki-usap, Yahweh, alalahanin kung paaanong matapat akong namuhay ng buong puso sa iyong harapan at ginawa ko kung ano ang mabuti sa iyong paningin." At tumangis si Hezekias. 4 Pagkatapos dumating ang salita ni Yahweh kay Isaias, sinasabing, 5 Magtungo ka at sabihin kay Hezekias, ang lider ng aking bayan, 'Ito ang sinabi ni Yahweh, ang Diyos ni David inyong ninuno, nagsasabing: narinig ko ang iyong panalangin, at nakita ko ang iyong mga luha. Tingnan mo, labinlimang taon ang idadagdag ko sa iyong buhay. 6 At ililigtas kita at ang lunsod na ito sa kapangyarihan ng hari ng Asiria, at ipagtatanggol ko ang lunsod na ito. 7 At ito ang magiging palatandaan sa iyo mula sa akin, Yahweh, na aking gagawin ang sinabi ko: 8 Masdan, paaatrasin ko ng sampung hakbang ang anino ni Ahaz sa hagdan."' Kaya umatras ng sampung hakbang ang anino sa hagdan na kung saan ito ay nagpauna. 9 Ito ang nakasulat na panalangin ni Hezekias hari ng Juda, noong siya ay nagkasakit at gumaling: 10 sinabi ko na sa kalahati ng aking buhay na mapupunta ako sa tarangkahan ng sheol; mananatili ako doon sa nalalabing mga taon ko. 11 Sinabi kong hindi ko na makikita pa si Yahweh, nasa lupain ng mga buhay si Yahweh; hindi ko na makikita pa ang sangkatauhan o ang mga naninirahan sa mundo. 12 Inalis at tinangay ang aking buhay mula sa akin tulad ng isang tolda ng pastol; binalumbon ko ang aking buhay tulad ng isang manghahabi; tinatabas mo ako mula sa habihan; araw at sa gabi, winawakasan mo ang aking buhay. 13 Lumuluha ako hanggang umaga; tulad ng isang leon na binabali lahat ng aking mga buto; sa araw at sa gabi winawakasan mo ang buhay ko. 14 Tulad ng isang layang-layang ako ay sumisiyap; tulad ng isang kalapati ako ay humuhuni; aking mata ay napagod sa kakatingala. Panginoon, inapi ako: tulungan mo ako. 15 Ano ang dapat kong sabihin? Parehong siyang nagpahayag sa akin at tinupad ito; dahan-dahan kong lalakarin ang laaht ng aking taon dahil binabalot mo ako ng kalungkutan. 16 Panginoon, ang mga pagdurusang mula sa iyo ay mabuti sa akin; nawa ay ibalik mo sa akin ang aking buhay; naibalik mo ang aking buhay at kalusugan. 17 Ito ay sa kabutihan ko na naranasan ko ang ganoong kalungkutan. Niligtas mo ako sa hukay ng pagkawasak; dahil tinapon mo lahat ng aking kasalanan sa iyong likuran. 18 Dahil hindi nagpapasalamat sa iyo ang sheol; hindi ka pinupuri ng kamatayan; silang nananaog sa hukay ay hindi umaasa sa iyong pagkamapagkakatiwalaan. 19 Ang taong nabubuhay, ang taong nabubuhay, siya ay ang isang magbibigay pasasalamat sa iyo, tulad ng ginagawa ko sa araw na ito; ipinaaalam ng isang ama sa mga anak ang iyong pagkamapagkakatiwalaan. 20 Malapit na akong iligtas ni Yahweh, at magdiriwang kami na may kantahan sa araw ng ating mga buhay sa bahay ni Yahweh."" 21 Ngayon sinabi ni Isaias, "Hayaan silang pumitas ng isang bungkos na igos at itapal sa iyong pigsa, at ikaw ay gagaling. 22 Sinabi din ni Hezekias, "Ano ang magiging tanda na ako ay aakyat sa tahanan ng Diyos?"
Chapter 39
1 Sa mga oras na iyon si Merodac Baladan anak ni Baladan, hari ng Babylonia, ay nagpadala ng mga liham at regalo kay Hezekias; dahil narinig niya na nagkasakit si Hezekias at gumaling. 2 Si Hezekias ay nagalak sa mga bagay na ito; ipinakita niya sa mensahero ang kanyang imbakan ng mga mahahalagang bagay - ang pilak, ang ginto, ang pabango at mamahaling langis. ang imbakan ng kanyang mga sandata, at lahat ng matatagpuan sa kaniyang mga imbakan. Wala siyang hindi ipinakita sa kanila, sa kaniyang tahanan, ni sa kaniyang kaharian. 3 Pagkatapos lumapit si Isaias ang propeta kay Haring Hezekias at tinanong siya, "Ano ang sinabi sa iyo ng mga taong ito? Saan sila nagmula?" Sumagot si Hezekias, "Naparito sila sa akin mula sa malayong bansa ng Babilonia." 4 Tinanong ni Isaias, "Ano ang nakita nila sa tahanan mo?" Sagot ni Hezekias, "Nakita nilang ang lahat sa tahanan ko. Walang mahalagang bagay ang hindi ko ipinakita sa kanila." 5 Pagkatapos sinabi ni Isaias kay Hezekias, "Makinig ka sa salita ni Yahweh ng mga hukbo: 6 'Masdan mo, darating ang araw na ang lahat sa iyong kaharian, mga bagay na itinabi ng iyong ninuno hanggang sa mga panahong ito, ay dadalahin sa Babilonia. Walang matitira, sabi ni Yahweh. 7 At ang mga lalaking nagmula sa iyo, na ikaw mismo ang ama - sila ay kukunin palayo, at sila ay magiging mga eunuko sa palasyo ng hari ng Babilonia."' 8 Pagkatapos sinabi ni Hezekias kay Isaias, "Ang sinabi ni Yahweh na iyong binanggit ay mabuti." Dahil kanyang inakala, "Magkakaroon ng kapayapaan at tatatag ang aking mga araw."
Chapter 40
1 "Aliwin, aliwin mo ang aking bayan," sabi ng inyong Diyos. 2 "Kausapin mo nang may pagmamahal ang Jerusalem; at ihayag sa kaniya na ang kaniyang pakikipagdigmaan ay tapos na, pinatawad na ang kaniyang mabigat na pagkakasala, na doble ang kaniyang natanggap na mula sa kamay ni Yahweh dahil sa lahat ng kaniyang mga kasalanan." 3 May isang tinig na sumisigaw, "ihanda ang daan ni Yahweh sa ilang; sa Araba, lumikha ng tuwid na daanan para sa ating Diyos." 4 Ang bawat lambak ay itataas, at bawat bundok at burol ay papatagin; at ang baku-bakong lupa ay gagawing patag, at papantayin ang mabatong mga lugar; 5 at ang kaluwalhatian ni Yahweh ay maihahayag, at magkakasama itong makikita ng lahat; dahil ang bibig ni Yahweh ang nagsabi nito. 6 Sinabi ng tinig, "umiyak". Sumagot ang isa "Ano ang dapat kong iiyak?" "Ang lahat ng laman ay damo, at lahat ng kanilang katapatan sa tipan ay tulad ng bulaklak sa bukid. 7 Ang damo ay natutuyot at ang bulaklak ay nalalanta kapag ang hininga ni Yahweh ay umihip dito; totoo ang sangkatauhan ay damo. 8 Ang damo ay natutuyot, ang bulaklak ay nalalanta, ngunit ang salita ng Diyos ay mananatili magpakailanman." 9 Umakyat ka sa mataas na bundok Sion, tagapagdala ng mabuting balita; buong lakas mong itaas ang iyong tinig, ipahayag mo sa Jerusalem ang mga mabuting balita. Sumigaw ka nang malakas; huwag kang matakot. Sasabihin mo sa mga lungsod ng Juda, "Narito ang inyong Diyos!" 10 Masdan niyo, ang Panginoon na si Yahweh ay dumadating bilang matagumpay na mandirigma, at ang kaniyang malakas na bisig ang namumuno para sa kaniya. Tingnan mo, ang kaniyang gantimpala ay nasa kaniya, at ang kaniyang gantimpala ay nauuna sa kaniya. 11 Papakainin niya ang kaniyang kawan tulad ng isang pastol, titipunin niya ang mga tupa sa kaniyang bisig, at dadalhin sila ng malapit sa kaniyang puso, at dahan-dahang pangungunahan ang mga babaing tupa na inaalagaan ang kanilang anak. 12 Sino ang sumukat ng katubigan sa guwang ng kaniyang palad, sinukat ang lapad ng himpapawid, hinawakan ng alikabok ng mundo sa isang sisidlan, timbangin ang mga kabundukan o ang mga burol sa timbangan? 13 Sino ang nakakaunawa ng isipan ni Yahweh, o nagturo sa kaniya bilang kaniyang tagapayo? 14 Mula kanino siya kailanman nakatanggap ng tagubilin? Sino ang nagturo sa kaniya ng tamang paraan para gawin ang mga bagay, at nagturo sa kaniya ng kaalaman, o nagpakita sa kaniya ng daan sa kaunawaan? 15 Masdan, ang mga bansa ay tulad ng isang patak sa isang sisidlan, at itinuturing na tulad ng alikabok sa timbangan; tingnan, kaniyang tinimbang ang maliliit na mga isla na gaya ng isang puwing 16 Ang Lebanon ay hindi sapat na panggatong, ni ang mga mababangis na hayop ay sapat para sa isang susunuging handog. 17 Ang lahat ng mga bansa ay hindi sapat sa harap niya; ito ay itinuturing niyang walang halaga. 18 Kanino mo ihahambing ang Diyos? Sa anong diyus-diyusan mo siya itutulad? 19 Isang diyus-diyusan! Isang mahusay na manggagawa ay hinubog ito: ang panday-ginto ay pinapatungan ito ng ginto at dinikitan ito ng pilak na kuwintas. 20 Sa paggawa ng alay ang isa ay mamimili ng kahoy na hindi mabubulok; siya ay naghahanap ng dalubhasang sanay sa paggawa ng diyus-diyusan na hindi babagsak. 21 Hindi niyo ba nalaman? Hindi niyo ba narinig? Hindi ba nasabi sa inyo ito mula simula? Hindi niyo ba nauunawaan mula sa mga pundasyon ng mundo? 22 Siya ang nakaupo sa itaas ng kapatagan ng lupa; at ang mga naniniraha'y tulad ng tipaklong sa harap niya. Kaniyang nilatag ang kalangitan tulad ng isang kurtina at inuunat ito tulad ng isang tolda para matirhan. 23 Binabawasan niya ang mga pinuno at ginagawang walang halaga ang mga pinuno sa mundo. 24 Tingnan, sila ay bahagyang nakatanim; tingnan, sila ay bahagyang inani; tingnan, sila ay bahagyang nagkaugat sa mundo, bago niya sila hipan, at sila ay nalalanta, at ang hangin ay hihipan sila tulad ng dayami. 25 "Kung ganoon, kanino niyo ako ihahambing, sino ang katulad ko?" sinabi ng Banal. 26 Tumingala ka sa himpapawid! Sino ang lumikha ng lahat ng mga bituin? Pinangungunahan niya ang kanilang mga pagkakaayos at tinatawag silang lahat sa pangalan. Sa kadakilaan ng kaniyang lakas at sa kalakasan ng kaniyang kapangyarihan, walang isang mawawala. 27 Bakit mo sinasabi, Jacob at pinapahayag, Israel, "ang aking paraan ay nakatago mula kay Yahweh, at ang aking Diyos ay hindi nababahala tungkol sa aking pagtatanggol? 28 Hindi mo ba alam? Hindi mo ba narinig? Ang walang hanggang Diyos, si Yahweh, ang Manlilikha ng mga dulo ng mundo, ay hindi napapagod o nanghihina; walang hangganan ang kaniyang kaunawaan. 29 Nagbibigay siya ng kalakasan sa mga pagod; sa mga mahihina nagbibigay siya ng bagong lakas. 30 Kahit ang mga kabataan ay napapagod at nanghihina, at ang kabataang lalaki ay nadadapa at nahuhulog: 31 pero silang naghihintay kay Yahweh ay panunumbalikin ang kanilang kalakasan; pumailanglang sila ng may pakpak tulad ng mga agila; sila ay tatakbo at hindi manghihina; sila ay maglalakad at hindi mahihimatay.
Chapter 41
1 Sa aking harapan ay makinig kayo nang tahimik, kayong mga nakatira sa baybayin; hayaan niyong bumalik ang lakas ng mga bansa; hayaan silang lumapit at magsalita; hayaan tayong magkasamang lumapit para pag-usapan ang hindi pagkakaunawaan. 2 Sinong nagbuyo ng isang ito sa silangan? Sino ang tumatawag sa kaniya sa mabuting kaayusan sa kaniyang paglilingkod? Siya ang nagbigay ng mga bansa sa kaniya at ginawa siyang may kakayahan na pasukuin ang mga hari; sila ay ginawang tulad ng alikabok sa kaniyang espada, parang hinipang pinaggapasan gamit ang palaso. 3 Hinabol niya sila at ligtas na nakalagpas, sa isang matuling paglalakbay na ang daan na ang kaniyang paa ay madaling matapakan. 4 Sino ang nakagawa at nagtupad ng mga gawang ito? Sino ang nagpatawag ng mga henerasyon mula sa simula? Ako, si Yahweh, ang una, at kasama ang mga nahuli, ako ay siya. 5 Nakita ng mga maliit na pulo at sila'y natakot; ang mga dulo ng mundo ay nayanig; sila ay dumating. 6 Ang lahat ay tumulong sa kaniyang kapit-bahay, at ang bawat isa ay nagsabi sa isa't isa, 'lakasan mo ang loob mo'. 7 Kaya sinikap ng karpintero ang pagpapanday ng ginto, at ang siyang nagtatrabaho gamit ang martilyo ay hinikayat ang siyang nagtatrabaho gamit ang maso, na sinasabi ng nanghihinang, 'ito ay maganda' Ito ay kanilang ikinabit gamit ang mga pako para hindi ito bumaliktad. 8 Pero kayo, Israel, na aking lingkod, Jacob na siyang aking pinili, ang anak ni Abraham na aking kaibigan, 9 ikaw na ibabalik ko mula sa dulo ng mundo, at siyang tinawag ko mula sa malalayong mga lugar, at sa aking sinabihan, "Ikaw ang aking lingkod;" pinili kita at hindi tinanggihan. 10 Huwag kang matakot, sapagkat ako ay kasama mo. Huwag kang mabalisa, sapagkat ako ang iyong Diyos. Pagtitibayin kita, at tutulungan kita, at aalalayan kita sa pamamagitan ng aking kanang kamay ng aking marapat na tagumpay. 11 Tingnan mo, sila ay mahihiya at manliliit, lahat nang nagagalit sa iyo; sila ay papanaw at maglalaho, silang kumakalaban sa iyo. 12 Hahanapin mo at hindi matatagpuan silang mga nakipaglaban sa iyo; silang nakipagdigma laban sa iyo ay papanaw, ganap nang mawawala. 13 Sapagkat ako, si Yahweh na iyong Diyos, ay hahawakan ang iyong kanang kamay, sasabihin sa iyo, 'Huwag kang matakot; tutulungan kita.' 14 Huwag matakot, Jacob ikaw na uod, at kayong mga Israelita; tutulungan ko kayo" -- ito ang pahayag ni Yahweh, ang iyong tagapagligtas, ang Banal ng Israel. 15 Tingnan, ginagawa ko kayong katulad ng isang matalas na karetang panggiik; bago at dalawang talim; inyong gigiikin ang mga kabundukan at dudurugin sila; ang mga burol ay gagawin mong tulad ng ipa. 16 Tatahipan mo at tatangayin sila ng hangin; ikakalat sila ng hangin. Ikaw ay magagalak kay Yahweh, ikaw ay magagalak sa Banal ng Israel. 17 Naghahanap ng tubig ang mga api at nangangailangan, pero doon ay wala, at ang kanilang mga dila ay tigang sa uhaw; Ako, si Yahweh, ang tutugon sa kanilang panalangin; Ako, ang Diyos ng Israel, ay hindi sila pababayaan. 18 Gagawa ako ng batis na aagos sa mga hilig ng lupa, at mga bukal sa kalagitnaan ng mga lambak; ang disyerto ay gagawin kong lawa ng tubig, at ang tuyong lupain sa bukal ng batis. 19 Sa ilang, ang sedro, ang akasya, at ang mertel, at ang puno ng oliba ay lalago; ako ang magsasanhi para lumago sa disyerto ang puno ng igos, puno ng pino, at ng saypres. 20 Gagawin ko ito para makita ng mga tao, kilalanin at maunawaan ng lahat, na ang kamay ni Yahweh ang gumawa nito, na ang Banal ng Israel ang lumikha nito. 21 "Ihain mo ang iyong kaso", sabi ni Yahweh, "sabihin mo ang iyong pinakamagagaling na katuwiran para sa iyong mga diyus-diyusan', sabi ng Hari ni Jacob. 22 Hayaan mong dalhin nila sa atin ang kanilang sariling mga argumento, hayaan mo silang lumapit sa atin at ipahayag sa atin ang mangyayari, para malaman nating mabuti ang mga bagay na ito. Hayaan mong sabihin nila sa atin ang mga bagay na noo'y ipinahayag na mangyayari, para ang mga ito ay mapag-isipan namin at para malaman kung paano ito natupad. 23 Magsabi kayo ng mga bagay tungkol sa hinaharap, para malaman natin kung kayo ay mga diyos; gumawa kayo ng mabuti o masama, para kami ay matakot at mapabilib. 24 Tingnan mo, ang inyong diyus-diyusan ay walang kwenta, at ang inyong mga gawa ay walang kabuluhan, sinumang pumili sa inyo ay kasuklam-suklam. 25 Ako ay may isang itinalaga mula sa hilaga, at siya ay dumating na; mula sa pagsikat ng araw tinawag ko siyang tumatawag sa aking pangalan, at kaniyang yuyurakan ang mga pinuno gaya ng putik, gaya ng manggagawa ng palayok na nakatungtong sa luad. 26 Sino ang naghayag nito mula nung umpisa, para maaari nating malaman? At bago ang panahon maaari nating sabihin, "Siya ay tama"? Tunay nga na wala nag-utos nito, oo, walang nakarinig na nagsabi ka ng kahit ano. 27 Una kong sinabi kay Sion, "masdan ninyo, nandito na sila;" nagpadala ako ng tagapagbalita sa Jerusalem. 28 Walang sinuman ang nandoon nang ako ay tumingin, walang ni isa sakanila ang makapagbibigay ng mabuting payo, sino, kapag ako ay nagtanong, ang makakasagot. 29 Masdan na, lahat sila ay walang kabuluhan, at ang kanilang mga gawa ay walang kahulugan; ang kanilang mga diyus-diyusan ay hangin at walang alam.
Chapter 42
1 Masdan, aking lingkod, na aking itinataas; ang aking pinili, sa kaniya ako ay nagagalak. Ang aking Espiritu ay nasa kaniya; siya ang magdudulot ng katarungan sa mga bansa. 2 Hindi siya iiyak o hihiyaw o magtataas ng boses sa lansangan. 3 Ang napitpit na tambo ay hindi niya mababali, at hindi niya maaapula ang mahinang apoy ng mitsa: siya ay matapat na magsasagawa ng katarungan. 4 Siya ay hindi manglulupaypay o mapanghihinaan ng loob hanggang matatag niya ang katarungan sa mundo; at ang mga nakatira sa babayin ay maghihintay sa kaniyang batas. 5 Ito ang sinabi ni Yahweh ating Diyos, na siyang lumikha ng kalangitan at naglatag sa kanila; siyang naglatag ng mundo at binigyang buhay ito; siyang nagbigay ng hininga sa mga tao doon, at buhay sa mga namumuhay doon: 6 "Ako, si Yahweh, ang tumawag sa iyo sa katuwiran at hahawak sa iyong kamay. Iingatan kita at itatakda kita bilang tipan para sa mga tao, bilang isang liwanag para sa mga dayuhan, 7 para buksan ang mga mata ng bulag, para palayain ang mga bilanggo mula sa piitan, at mula sa tahanan ng pagkakulong silang mga nakaupo sa kadiliman. 8 Ako si Yahweh, iyon ang aking pangalan; at ang aking kaluwalhatian ay hindi ko ibabahagi sa iba ni ang aking papuri sa mga inukit na mga diyus-diyusan. 9 Tingnan mo, ang mga nakaraang mga bagay ay nangyari na, ngayon ay ipapahayag ko ang mga bagong kaganapan. Bago sila magsimulang mangyari sasabihin ko sa iyo ang tungkol sa kanila." 10 Umawit kay Yahweh ng bagong awitin, at ang kaniyang kapurihan mula sa dulo ng mundo; ikaw na bumaba sa dagat, at ang lahat ng nakapaloob dito, ang mga baybayin at silang naninirahan doon. 11 Hayaan ang disyerto at ang mga lungsod na tumawag, ang mga nayon kung saan na namumuhay ang Cedar, sumigaw ng may kagalakan! Hayaang umawit ang mga nakatira sa Sela; hayaan silang sumigaw mula sa tuktok ng mga bundok. 12 Hayaan silang magbigay kaluwalhatian kay Yahweh at magpahayag ng kaniyang papuri sa mga baybayin. 13 Si Yahweh ay lalabas bilang isang mandirigma; siya ay magpapatuloy bilang isang lalaking pangdigmaan. Kaniyang ipupukaw ang kasigasigan. Siya ay sisigaw, oo, siya ay hihiyaw ng kaniyang hiyaw na pandigmaan; ipapakita niya sa kaniyang mga kaaway ang kaniyang kapangyarihan. 14 Nanahimik ako ng mahabang panahon; ako ay hindi kumibo at nagpigil sa sarili; ngayon iiyak ako gaya ng isang babaeng nanganganak; ako ay maghahabol ng hininga at hihingalin. 15 Aking wawasakin ang mga bundok at mga burol at patutuyuin ko ang lahat ng kanilang pananim; at ang mga ilog ay gagawin kong mga isla at patutuyuin ko ang mga sapa. 16 Dadalhin ko ang bulag sa daan na hindi nila alam; dadalhin ko sila sa mga landas na hindi nila alam na dadalhin ko sila. Ang kadiliman ay gagawin kong liwanag sa harap nila at itutuwid ang baluktot na mga lugar. Ang mga bagay na ito ay aking gagawin, at hindi ko sila pababayaan. 17 Sila ay tatalikuran, at sila ay ganap na mailalagay sa kahihiyan, silang nagtitiwala sa mga inukit na mga diyos-diyusan, na nagsasabi sa mga hinulmang bakal na mga diyus-diyosan, "kayo ang aming mga diyos." 18 Makinig kayo, kayong mga bingi; at tumingin, kayong bulag, para kayo ay makakita. 19 Sino ang bulag kundi ang aking lingkod? O bingi gaya ng mensaherong aking pinadala? Sino ang kasing bulag gaya ng aking tipan ng kasunduan, o bulag gaya ng lingkod ni Yahweh? 20 Maraming kang nakikitang mga bagay, pero hindi nauunawaan; ang mga tainga nila ay nakabukas, pero walang nakaririnig. 21 Nagpapalugod kay Yahweh ang mapapurihan ang kaniyang katarungan at maluwalhati ang kaniyang mga kautusan. 22 Pero ito ang mga taong nanakawan at nasamsaman; silang lahat ay nakulong sa mga hukay, nabihag sa mga bilangguan; sila ay naging isang inagaw na walang sinumang makakasagip sa kanila at walang makakapagsabi, "ibalik sila!" 23 Sino sa inyo ang makikinig nito? Sino ang makikinig at pakikinggan ang hinaharap? 24 Sino ang nagbigay kay Jacob sa mga magnanakaw, at ang Israel sa mga mandarambong? Hindi ba si Yahweh, laban sa kaniya na nagawan natin ng kasalanan, kaninong daan tayo nakagawa ng kasalanan, kaninong mga daan tayo tumangging lumakad, at kaninong batas tayo tumangging sumunod? 25 Kaya ibinuhos niya ang kaniyang mabangis na galit laban sa kanila, kasama ang pagkawasak ng digmaan. Ito ay nagliyab sa kanilang kapaligiran, pero hindi nila ito maunawaan; tinupok sila nito, pero hindi nila ito isinapuso.
Chapter 43
1 Pero ngayon ito ang sinasabi ni Yahweh, ang siyang lumikha sa iyo, Jacob, at siyang humubog sa iyo, Israel: "huwag kang matakot, sapagkat tinubos kita; tinawag kita sa iyong pangalan, ikaw ay akin. 2 Kapag ikaw ay dumaraan sa mga tubigan, ako ay kasama mo; at sa mga ilog, hindi ka malulunod. Kapag ikaw ay lumalakad sa apoy, hindi ka masusunog, ni sa apoy ay hindi ka masasaktan. 3 Dahil ako si Yahweh ang iyong Diyos, ang Banal ng Israel, iyong Tagapagligtas. Ibinigay ko na pang tubos sa iyo ang Ehipto, Etiopia at ang Seba kapalit mo. 4 Dahil ikaw ay mahalaga at natatangi sa aking paningin, mahal kita; kaya magbibigay ako ng mga tao kapalit mo, at ibang mga tao sa iyong buhay. 5 Huwag kang matakot, dahil ako ay kasama mo; aking dadalhin ang iyong lahi mula sa silangan, at titipunin kayo mula sa kanluran; 6 Aking sasabihin sa hilaga, 'ibalik sila;' at sa timog, 'huwag silang pigilan' Dalhin ang aking mga anak na lalaki mula sa malayo, at aking mga anak na babae mula sa malayong mga lugar ng mundo, 7 ang lahat ng tumatawag sa aking pangalan, na aking nilikha para sa aking kaluwalhatian, na aking hinubog, oo, na aking ginawa. 8 Ilabas ang mga bulag na may mga mata, at ang bingi, kahit siya ay may mga tainga. 9 Ang lahat ng bansa ay sama-samang magtitipon, at magpupulong ang mga bayan. Sino sa kanilang ang maaaring makapagsasabi nito at makapagpapahayag ng mga unang kaganapan? Hayaan silang dalhin ang kanilang saksi para patuyan na sila ay tama, hayaan silang makinig at pagtibayin, 'ito ay katotohanan,' 10 Kayo ang aking mga saksi, "ipinapahayag ni Yahweh, "at aking lingkod na aking pinili, para malaman ninyo at maniwala kayo sa akin, at inyong mauunawaan na Ako ay siya nga. Walang nilikhang ibang diyos sa aking harapan, at walang makasusunod sa akin. 11 Ako, Ako ay si Yahweh, at wala nang ibang tagapagligtas maliban sa akin. 12 Nagsalita ako, nagligtas, at nagpahayag na walang ibang diyos sa gitna ninyo. Kayo ang aking mga saksi," Ipinapahayag ni Yahweh, "Ako ang Diyos. 13 Mula sa araw na ito Ako ay siya, at walang makakasagip sa sinuman mula sa aking kamay. Ako ang gagawa, at sinong ang makakabalik nito?" 14 Ito ang sinasabi ni Yahweh, ang inyong Manunubos, ang Banal ng Israel: " Dahil sa inyong kapakanan nagsugo ako sa Babilonia at pinangunahan ang pagbagsak nila gaya ng mga pugante, ginawang mga awit ng panaghoy ang kapahayagan ng kasiyahan ng Babilonia. 15 Ako si Yahweh, ang Banal, ang lumikha ng Israel, ang inyong Hari." 16 Ito ang sinasabi ni Yaweh ( na siyang nagbukas ng isang daan sa dagat, at isang landas sa malawak na katubigan, 17 na siyang naglabas ng mga karwahe at kabayo, ang kawal at ang makapangyarihang hukbo. Sila ay magkakasamang nahulog sa baba; sila ay hindi na babangon muli; sila ay malilipol, pinatay tulad ng isang nag-aapoy na mitsa.) 18 Huwag ninyong isipin ang mga dating pangyayari, ni alalahanin ang mga bagay na nangyari noong unang panahon. 19 Masdan mo, ako ay gagawa ng isang bagong bagay; ngayon ito ay magsisimulang mangyari; hindi mo ba ito naunawaan? Gagawa ako ng isang daanan sa disyerto at batis ng tubig sa ilang. 20 Pararangalan ako ng mga mababangis na hayop sa bukid, ang mga asong-gubat at mga ostrich, dahil ako ay magbibigay ng tubig sa ilang, at ng mga ilog sa disyerto, para painumin ang aking bayan na pinili, 21 Ang bayang ito na aking hinubog para sa aking sarili, para isalaysay nila ang aking kapurihan. 22 Pero hindi ka tumawag sa akin, Jacob; Ikaw ay nagsawa na sa akin, O Israel. 23 Hindi mo dinala sa akin ang alinman sa iyong mga tupa bilang handog na susunugin; ni pinarangalan mo ako ng iyong mga alay. Hindi ko kayo pinahirapan sa mga handog na butil, ni pinagod kayo sa mga handog na insenso. 24 Hindi mo ako binilihan ng mabangong tubo gamit ang pera, o binigyan man ng taba ng iyong mga alay; pero binigyan mo ako ng pabigat dahil sa ginawa mong mga kasalanan, pinagod mo ako sa iyong mga masasamang gawain. 25 Ako, oo, ako, ang siyang nag-aalis ng iyong mga kasalanan para sa aking kapakanan; at hindi ko na tatandaan pa ang iyong mga kasalanan kahit kailan. 26 Ipaalaala mo sa akin kung ano ang nangyari. Magkasama tayong pagusapan ito; Ihain mo ang iyong hangarin, para mapatunayang ikaw ay walang kasalanan. 27 Nagkasala ang iyong unang ama, at ang iyong mga pinuno ay lumabag laban sa akin. 28 Kaya aking dudungisan ang mga banal na pamunuan; ibibigay ko sa ganap na pagkawasak si Jacob at sa labis na kahihiyan ang Israel."
Chapter 44
1 Ngayon makinig ka, Jacob aking lingkod, at Israel, na aking pinili: 2 Ito ang sinasabi ni Yahweh, ang lumikha sa iyo at humubog sa iyo sa sinapupunan at siyang tutulong sa iyo: Huwag kang matakot, O Jacob na aking lingkod; at ikaw, Jeshurun, na aking pinili. 3 Dahil aking ibubuhos ang tubig sa uhaw na lupa, sa tuyong lupa dadaloy ang mga batis, at ibubuhos ko sa iyong mga supling ang aking Espiritu, at ang mga anak mo ay pagpapalain. 4 Sila ay sisibol sa gitna ng damo, gaya ng mga puno sa tabi ng mga tubig sa batis. 5 Sasabihin ng isa, 'Ako ay kay Yahweh; ' at ang isa ay ipapangalan kay Jacob; at ang isa pa ay isusulat sa kaniyang kamay 'Pag-aari ni Yahweh' at tatawagin sa pangalan ng Israel." 6 Ito ang sinasabi ni Yahweh - ang Hari ng Israel at kaniyang Manunubos, Yahweh ng mga hukbo: "Ako ang una, at ako ang huli; walang ibang Diyos kundi ako. 7 Sino ang katulad ko? Hayaan siyang ipahayag ito at ipaliwanag sa akin ang mga nangyari simula nang aking itinatag ang sinaunang bayan, at hayaan silang ipahayag ang mga pangyayaring darating. 8 Huwag matakot o mangamba. Hindi ba ipinahayag ko sa iyo nang unang panahon, at ipinaalam ito? Kayo ang aking mga saksi: May ibang Diyos ba maliban sa akin? Walang ibang Bato; wala akong ibang kilala." 9 Silang nagbibigay anyo sa diyus-diyosan ay walang halaga; at ang mga bagay na kanilang kinatutuwaan ay walang saysay; ang kanilang mga saksi ay hindi nakakikita o nakakaalam ng anumang bagay, at sila ay malalagay sa kahihiyan. 10 Sino ang huhulma ng isang diyos o maghuhugis ng diyus-diyosan na walang halaga? 11 Masdan mo, ang lahat ng kaniyang mga kasama ay ilalagay sa kahihiyan; ang mga mang-uukit ay tao lamang. Hayaan mo silang magsama-sama sa kanilang paninindigan; sila ay yuyukod at malalagay sa kahihiyan. 12 Ang panday ay gumagawa sa pamamagitan ng kaniyang mga kagamitan, naghuhulma ito, gumagawa sa init ng nagbabagang bato. Gamit ang maso at kaniyang malalakas na bisig hinubog niya ito. Siya ay nagugutom, at ang kaniyang lakas ay nawawala; siya ay hindi umiinom ng tubig at nanghihina. 13 Sinusukat ng karpintero ang kahoy ng isang pisi at tinatandaan ng pantanda. Nagkakahugis ito sa pamamagitan ng kaniyang mga kagamitan at tinatandaan ito gamit ang mga kompas. Kaniyang hinuhubog ito sa anyo ng isang tao gaya ng isang kaakit-akit na tao, para ito ay ilagay sa isang altar. 14 Pumuputol siya ng mga cedar, o pumipili siya ng puno ng sipres o isang puno ng ensena. Siya ay kumukuha ng mga puno sa kagubatan para sa kaniyang sarili. Siya ay nagtatanim ng puno ng pir at pinalalaki ito ng ulan. 15 Pagkatapos ginagamit ito ng tao bilang pangsiga kung saan siya nagpapainit. Oo, pinaliliyab niya ang isang apoy at pinangluluto ng tinapay. Pagkatapos ginagawa niya mula dito ang isang diyos at sasambahin ito. 16 Kaniyang iginagatong ang ilang bahagi ng kahoy sa apoy, iniihaw ang kaniyang karne dito. kumain siya at nabubusog. Kaniyang nadarama ang init at sinasabi, "Ah, ako ay naiinitan, aking nakita ang apoy." 17 Siya ay gumagawa ng diyos sa pamamagitan ng tirang kahoy, kaniyang inukit na imahe; at kaniyang niluluhuran ito at ginagalang ito, at nananalangin dito at sinasabing, "Iligtas mo ako, sapagkat ikaw ang aking diyos." 18 Hindi nila nalalaman, ni naiintindihan, dahil ang kanilang mga mata ay bulag at hindi nakakakita, at ang kanilang mga puso ay hindi nakakaunawa. 19 Walang sinumang nakaka-isip, ni nakakaunawa at sinasabi, "Aking iginatong ang bahagi ng kahoy sa apoy; oo, ako ay nagluto rin ng tinapay sa mga baga nito; ako ay nag-ihaw ng karne sa baga nito at kumain. Ngayon gagawin ko ba ang ibang bahagi ng kahoy sa isang bagay na kasuklam-suklam para sambahin? Dapat ba akong lumuhod sa isang piraso ng kahoy?" 20 Para bang siyang kumakain ng abo; ang kaniyang nadayang puso ay niligaw siya. Hindi niya mailigtas ang kaniyang sarili, ni masabi, "Ang bagay na ito sa aking kanang kamay ay isang bulaang diyos." 21 Iyong alalahanin tungkol sa mga bagay na ito, O Jacob, at Israel, dahil kayo ay aking lingkod: kayo ay aking nilikha; ikaw ang aking lingkod: Israel, ikaw ay hindi ko malilimutan. 22 Isinantabi ko, tulad ng makapal na ulap, ang iyong mga mapanghimagsik na mga gawain; at gaya ng isang ulap, ang iyong mga kasalanan; manumbalik ka sa akin, sapagkat tinubos kita. 23 Umawit kayo, kayong mga kalangitan, dahil si Yahweh ay kumilos; sumigaw kayo, kayong mga nasa kailaliman ng lupa; magsimula kayong umawit, kayong mga bundok, at kayo, mga gubat, sa bawat puno; dahil tinubos ni Yahweh si Jacob, at ipapakita ang kaniyang kaluwalhatian sa Israel. 24 Ito ang sinasabi ni Yahweh, iyong Manunubos, na siyang humubog sa iyo mula sa sinapupunan: Ako si Yahweh, na gumawa ng lahat ng bagay, na nag-iisang naglatag ng kalangitan, na nagiisang naghugis ng kalupaan. 25 Ako na humahadlang sa mga hula ng mga sinungaling at silang mga bumabasa ng mga hula; Binabaliktad ko ang karunungan ng mga pantas at ginagawang kamangmangan ang kanilang payo. 26 Ako si, Yahweh! - ang nagpapatupad ng mga pahayag ng kaniyang lingkod at isinasagawa ang payo ng kaniyang mga mensahero, na nagsasabi ng tungkol sa Jerusalem, 'Siya ay pananahanan' at ang mga lungsod ng Juda, sila ay muling itatatag, at ibabangon ko ang kanilang mga wasak na lugar' 27 na sinasabi sa malalim na karagatan, ' matuyo ka, at aking tutuyuin ang iyong mga agos-- 28 na siyang nagsasabi tungkol kay Ciro, 'Siya ang aking pastol, gagawin niya ang lahat ng naisin ko' - kaniyang ipag-uutos tungkol sa Jerusalem, 'Hayaan siyang muling maitatag,' at ang tungkol sa templo, 'Hayaan na ang pundasyon mo ay mailatag."
Chapter 45
1 Ito ang sinasabi ni Yahweh, sa kaniyang hinirang, kay Ciro na ang kanang kamay ay aking hawak, para lupigin ang mga bansa sa harap niya, para tanggalan ng sandata ang mga hari, at para buksan ang mga pintuan sa kaniyang harapan, kaya ang mga tarangkahan ay mananatiling nakabukas: 2 Ako ay mauuna sa iyo at ang mga bundok ay aking papatagin; aking wawasakin ang mga pintuang tanso at puputol-putulin ang kanilang bakal na rehas, 3 at ibibigay ko sa iyo ang mga kayamanang nasa kadiliman at ang mga natatagong kayamanan, para inyong malaman na ako ito, si Yahweh, na tumatawag sa iyong pangalan, ako, ang Diyos ng Israel. 4 Para sa kapakanan ni Jacob na aking lingkod, at sa Israel na aking pinili, tinawag kita sa iyong pangalan: bibigyan ka ng isang pangalan na may karangalan, kahit hindi mo ako kinilala. 5 Ako si Yahweh, at walang iba; walang ibang Diyos maliban sa akin. Bibigyan kita ng sandata para sa digmaan, kahit hindi mo ako kinilala; 6 Para malaman ng mga tao mula sa pagsikat ng araw, at mula sa kanluran, na walang ibang diyos maliban sa akin: ako si Yahweh, at wala ng iba. 7 Ako ang lumikha ng liwanag at dilim; Ako ang nagbibigay ng kapayapaan at lumilikha ng kapahamakan; Ako si Yahweh, na gumagawa ng lahat ng bagay na ito. 8 Kayong mga langit, ibagsak ninyo ang ulan mula sa itaas! Hayaan ang mga himpapawid na umulan ng makatarungang kaligtasan. Hayaan ito ay sipsipin ng lupa, nang kaligtasan ay sumibol, at kasama nito tutubo ang katwiran. Ako, si Yahweh, ang lumikha sa kanilang dalawa. 9 Kaawa-awa ang sinumang nakikipagtalo sa lumalang sa kanya! Isang basag na palayok sa kalagitnaan ng lahat ng basag na palayok sa lupa! Dapat bang sabihin ng putik sa manlililok,' 'Ano ang iyong ginagawa? o, Ano ang iyong nililikha-- wala ka bang mga kamay noong likhain mo ito? 10 Kaawa-awa ang nagsasabi sa isang ama, Para saan pa ang iyong pagiging ama? o sa isang babae, 'para saan at ikaw ay manganganak pa?' 11 Ito ang sinasabi ni Yahweh, ang Banal ng Israel, kaniyang Manlilikha: tungkol sa mga bagay na darating, tinatanong ninyo ba ako tungkol sa aking mga anak? Sasabihin niyo ba sa akin kung ano ang gagawin ko sa gawa ng aking mga kamay?' 12 Aking nilikha ang lupa at nilalang ang tao mula rito. Itong aking mga kamay ang naglatag ng kalangitan, at aking inutos sa lahat ng mga bituin na lumitaw. 13 Pinakilos ko si Ciro sa katuwiran, at tutuwirin ang lahat ng kaniyang mga landas. Itatayo niya ang aking lungsod; pauuwiin niya ang aking bayang ipinatapon, nang walang kapalit na bayad o suhol, "sinasabi ni Yahweh ng mga hukbo. 14 Ito ang sinasabi ni Yahweh, "Ang yaman ng Ehipto, at pangangalakal ng Ethiopia sa mga Sabeo, mga taong matataas ang kalagayan, ay dadalhin sa iyo. Sila ay magiging inyo. Sila ay magsisisunod sa inyo, magsisidating na may mga tanikala. Sila ay magpapatirapa sa iyo, at sila ay makikiusap sa iyo na sinasabing, Tunay na ang Diyos ay nasa iyo, at walang iba liban sa kanya. 15 Tunay nga na ikaw ay isang Diyos na kinukubli ang iyong sarili, Diyos ng Israel, na Tagapagligtas. 16 Mapapahiya at kahiya-hiya silang lahat; silang mga gumagawa ng diyus-diyosan ay lalakad sa kahihiyan. 17 Pero ang Israel ay ililigtas ni Yahweh nang walang hanggang kaligtasan; kayo ay hindi na muli mapapahiya. 18 Ito ang sinasabi ni Yahweh, na lumikha ng kalangitan, ang tunay na Diyos na gumawa ng lupa at lumikha nito, na siyang nagtatag nito. Kaniyang nilikha ito, hindi para masayang, para panahanan: "Ako si Yahweh, at wala akong kapantay. 19 Ako ay hindi nagsalita ng palihim, sa mga tagong lugar; hindi ko sinabi sa lahi ni Jacob, 'Hanapin ninyo ko ng walang katuturan!' Ako si Yahweh, ay nagsasalita ng totoo; inihahayag ko ang mga bagay na matuwid. 20 Tipunin ang inyong mga sarili at lumapit! Magsama-sama kayong mga nakasumpong ng kanlungan mula sa mga bansa! Sila ay walang nalalaman, sila na nagdadala ng larawang inukit at nanalangin sa mga diyos na hindi nakapagliligtas. 21 Magsilapit at ipahayag ito sa akin, magdala ng katibayan! Hayaan silang magsisabwatan. Sino ang nagpakita nito mula nang unang panahon? Sinong nagpahayag nito? Hindi ba ako, na si Yahweh? At walang ibang Diyos maliban sa akin, ang makatarungang Diyos at ang Tagapagligtas; walang iba maliban sa akin. 22 Bumalik kayo sa akin at maligtas, lahat ng nasa sulok ng mundo; dahil ako ang Diyos, at walang ibang diyos. 23 Ako ay sumusumpa sa aking sarili, sinasabi ang aking makatarungang atas, at hindi ito babalik: Sa akin ang bawat tuhod ay luluhod, bawat dila ay susumpa, 24 na nagsasabing, "Kay Yahweh lamang ang kaligtasan at kalakasan. Ang lahat ng nagagalit sa kaniya ay manliliit sa kahihiyan sa kaniyang harapan. 25 Kay Yahweh, ang lahat ng kaapu-apuhan ng Israel ay mapapawalang sala; ipagmamalaki nila siya.
Chapter 46
1 Si Bel ay nagpatirapa, si Nebo ay yumuyukod; nabigatan ang mga hayop na nagdadala ng kanilang diyus-diyosan. Ang mga diyus-diyosan na kanilang dala ay mabigat na pasanin sa mga pagod na mga hayop. 2 Magkakasama silang yumuyukod at lumuluhod; hindi nila mailigtas ang imahe, at sila mismo ay mapupunta sa pagkabihag. 3 Makinig kayo sa akin, sambahayan ni Jacob, at lahat kayo, ang mga nalabi sa sambahayan ni Jacob, kayong inalagaan ko mula sa inyong pagsilang, na maalagaan mula sa sinapupunan: 4 Hanggang sa katandaan ay Ako ay siya nga, at hanggang sa magkauban ay dadalhin kita. Ginawa kita, at tutulungan kita, akin kitang dadalhin sa kaligtasan. 5 Kanino ninyo ako itutulad? at kanino ninyo ako ipaparis, para kami ay ihambing? 6 Sila ay nagbuhos ng ginto mula sa supot at nagtitimbang ng pilak sa timbangan. Sila ay umuupa ng isang panday, at ginagawa niya ito ng isang diyos; sila ay nagpapatirapa at sinasamba ito. 7 Pinapasan nila ito sa balikat at dinadala nila ito; inilalagay ito sa kaniyang lugar, at ito ay nakatayo sa kaniyang lugar at hindi gumagalaw mula dito. Tumatawag sila dito, gayun man hindi ito makakasagot ni makapagliligtas ng sinuman sa kanilang kaguluhan. 8 Tandaan ninyo ang mga bagay na ito; huwag ninyo itong balewalain, kayong mga suwail! 9 Isipin ninyo ang mga unang pangyayari, mga nakaraang panahon, dahil ako ang Diyos, wala ng iba, Ako ay Diyos, at walang ibang katulad ko. 10 Ipinapahayag ko ang wakas mula sa pasimula, at mga bagay na mangyayari na hindi pa nangyayari; Sinasabi ko, "magaganap ang lahat ng balak ko, at gagawin ko ang lahat ng nais kong gawin." 11 Tumatawag ako ng ibong mangdadagit mula sa silangan, ng taong aking pinili mula sa malayong lupain; Oo, ako ay nagsalita; tutuparin ko rin ito; ako ang nagplano; ako rin ang gagawa nito. 12 Makinig kayo sa akin, kayong mga taong matitigas ang ulo; na malayo sa paggawa ng matuwid. 13 Aking inilalapit ang aking kabanalan; ito ay hindi malayo at ang pagliligtas ko ay hindi maghihintay; at Ibibigay ko ang kaligtasan sa Sion at ang aking kagandahan sa Israel.
Chapter 47
1 Bumaba ka at umupo ka sa alikabok, birheng anak na babae ng Babilonia; maupo ka sa lupa nang walang trono, anak na babae ng mga taga-Caldea. Hindi ka na magiging kaakit-akit at kahali-halina. 2 Kunin mo ang batong gilingan at gilingin mo ang harina; tanggalin mo ang iyong belo, punitin mo ang iyong magandang kasuotan, alisin mo ang takip ng iyong mga binti, tawirin mo ang mga batis. 3 Malalantad ang iyong kahubaran, oo, makikita ang iyong kahihiyan: Maghihiganti ako at walang taong makakaligtas. 4 Ang aming Tagapagligtas, Yahweh ng mga hukbo ang kaniyang pangalan, ang Banal ng Israel. 5 Maupo ka sa katahimikan at pumunta ka sa kadiliman, anak na babae ng mga taga-Caldea; dahil hindi ka na tatawagin na Reyna ng mga kaharian. 6 Nagalit ako sa aking bayan; dinungisan ko ang aking pamana at binigay ko sila sa iyong kamay, pero hindi mo sila pinakitaan ng awa; nagpatong ka ng napakabigat na pamatok sa mga matatanda. 7 Sinabi mo, "Mamumuno ako bilang pinakamataas na reyna magpakailanman." Hindi mo isinapuso ang mga bagay na ito, maging inisip kung anong mangyayari sa mga ito. 8 Kaya ngayon pakinggan mo ito, ikaw na mahilig sa kasiyahan at nauupo nang may kasiguraduhan, ikaw na sinasabi sa iyong puso, "Nabubuhay ako, at wala akong katulad; hindi ako mauupo bilang isang balo kailanman, maging ang maranasan ang mawalan ng mga anak." 9 Pero ang dalawang bagay na ito ay biglang darating sa iyo sa isang araw: ang pagkawala ng mga anak at pagiging balo; darating sila sa iyo nang buong lakas, sa kabila ng mga pangkukulam mo at maraming mga dasal at anting-anting. 10 Nagtiwala ka sa iyong kasamaan; sinabi mo, "Walang nakakakita sa akin;" nililigaw ka ng iyong karunungan at kaalaman, pero sinasabi mo sa iyong puso, "Nabubuhay ako, at walang akong katulad." 11 Magagapi ka ng sakuna; hindi mo matataboy ito gamit ang iyong mga dasal. Babagsak sa iyo ang pagkawasak; hindi mo ito makakayang salagin. Bigla kang tatamaan ng kalamidad, bago mo pa ito malaman. 12 Magpatuloy ka sa paggamit ng salamangka at maraming pangkukulam na tapat mong binibigkas mula pa nang iyong pagkabata; marahil ay magtatagumpay ka, marahil ay matataboy mo ang sakuna. 13 Pagod ka na sa marami mong pagsangguni; hayaan mong tumayo at iligtas ka ng mga lalaking iyon—sila na tinatala ang kalangitan at tumitingin sa mga bituin, sila na nagpapahayag ng mga bagong buwan—hayaan mo silang iligtas ka mula sa mangyayari sa iyo. 14 Tingnan mo, sila ay magiging parang mga pinaggapasan. Susunugin sila ng apoy. Hindi nila maliligtas ang mga sarili nila mula sa kamay ng apoy. Walang uling na magpapainit sa kanila at walang apoy para tabihan nila! 15 Para sa iyo, wala silang silbi kundi kapaguran, sila na mga nakasama mo sa pangangalakal simula noong kabataan mo pa; gagala sila sa kani-kaniyang landas; kaya walang magliligtas sa iyo.
Chapter 48
1 Pakinggan ninyo ito, sambahayan ni Jacob, na tinawag sa pangalang Israel, at mula sa semilya ni Juda; kayo na nanunumpa sa pangalan ni Yahweh at tinatawag ang Diyos ng Israel, pero hindi taos-puso o sa matuwid na paraan. 2 Dahil tinatawag nila ang mga sarili nilang mga mamamayan ng banal na lungsod at nagtitiwala sa Diyos ng Israel; Yahweh ng mga hukbo ang kaniyang pangalan. 3 "Pinahayag ko ang mga bagay na mula pa dati; lumabas sila sa aking bibig, at hinayag ko sila; at ginawa ko sila, at nangyari sila. 4 Dahil alam kong matigas ang ulo ninyo, kasing tigas ng bakal ang mga leeg ninyo, at parang tanso ang inyong noo, 5 kaya pinahayag ko ang mga bagay na ito sa simula pa; ipinaalam ko sa inyo bago sila mangyari, para hindi ninyo masasabing, 'Ang aking diyus-diyosan ang gumawa nito,' o 'ang aking inukit na rebulto, o ang aking bakal na rebulto ang nagtalaga ng mga bagay na ito.' 6 Narinig ninyo ang tungkol sa mga bagay na ito; tingnan ninyo ang lahat ng mga patunay na ito; at kayo, hindi ba ninyo aaminin na totoo ang sinabi ko? Mula ngayon, mga bagong bagay ang ipapakita ko sa inyo, mga nakatagong bagay na hindi ninyo alam. 7 Ngayon, at hindi mula nung una, nangyari sila, at bago ngayon hindi ninyo narinig ang tungkol sa kanila, kaya hindi ninyo masasabing, 'Oo, alam ko ang tungkol sa kanila.' 8 Hindi ninyo narinig kailanman; hindi ninyo alam; ang mga bagay na ito ay hindi isiniwalat sa mga tainga ninyo nung simula pa. Dahil alam ko na kayo ay napakamapanlinlang, at mapaghimagsik mula sa kapanganakan. 9 Para sa kapakanan ng pangalan ko ipagpapaliban ko ang aking galit, at para sa aking karangalan pipigilin ko ang pagwasak sa inyo. 10 Tingnan ninyo, nilinang ko kayo, pero hindi bilang pilak; ginawa ko kayong dalisay sa pugon ng pagdurusa. Para sa kapakanan ko, para sa kapakanan ko ay kikilos ako; dahil paano ko pahihintulutang malagay sa kahihiyan ang aking pangalan? 11 Hindi ko ibibigay ang aking kaluwalhatian sa sinuman. 12 Makinig kayo sa akin, Jacob, at Israel, na tinawag ko: Ako ay siya; Ako ang una, Ako rin ang huli. 13 Oo, ang kamay ko ang naglagay ng pundasyon ng mundo, at ang aking kanang kamay ang naglatag ng kalangitan; kapag tinatawag ko sila, sama-sama silang tumatayo. 14 Magtipon kayo, lahat kayo, at pakinggan; Sino sa inyo ang nagpahayag ng mga bagay na ito? Ang kakampi ni Yahweh ay tatapusin ang kaniyang layunin laban sa Babilonia. Gagawin niya ang kalooban ni Yahweh laban sa mga taga-Caldea. 15 Ako, Ako ay nagsalita, oo, Ako ang tumawag sa kaniya, Ako ang nagdala sa kaniya, at magtatagumpay siya. 16 Lumapit kayo sa akin, makinig kayo dito; mula sa simula hindi ako nagsalita nang palihim; kapag nangyari ito, nandoon ako; at ngayon si Yahweh na Panginoon ay pinadala ako, at ang kaniyang Espiritu." 17 Ito ang sinasabi ni Yahweh, ang inyong Tagapagligtas, ang Banal ng Israel, "Ako si Yahweh na Diyos ninyo, na nagtuturo sa inyo kung paano magtagumpay, na nangunguna sa inyo sa landas na dapat ninyong tahakin. 18 Kung sinunod ninyo lamang ang aking mga utos! Ang inyong kapayapaan at kasaganaan sana ay umagos tulad ng ilog, at ang inyong kaligtasan ay tulad ng mga alon ng dagat. 19 Ang inyong mga kaapu-apuhan sana ay kasing dami ng buhangin, at ang mga anak mula sa inyong sinapupunan ay kasing dami ng mga butil ng buhangin; ang pangalan nila ay hindi sana pinutol o inalis mula sa aking harapan. 20 Lumabas kayo mula sa Babilonia! Tumakas kayo mula sa mga taga-Caldea! Sa tunog ng hiyaw ay ipahayag ninyo ito! Ipaalam ninyo ito, paabutin ninyo ito sa dulo ng mundo! Sabihin ninyo, 'Niligtas ni Yahweh ang kaniyang lingkod na si Jacob.' 21 Hindi sila nauhaw nang hinatid niya sila sa mga disyerto; pinaagos niya ang tubig mula sa bato para sa kanila; biniyak niya ang bato, at bumulwak ang tubig. 22 Walang kapayapaan para sa mga masasama— ang sabi ni Yahweh."
Chapter 49
1 Makinig kayo sa akin, kayong mga baybayin! At magbigay kayo ng pansin, kayong mga malalayong tao. Tinawag ako ni Yahweh sa pangalan mula sa kapanganakan, nang dinala ako ng aking ina sa mundo. 2 Ginawa niyang parang matalim na espada ang aking bibig; tinago niya ako sa anino ng kaniyang kamay; ginawa niya akong pinakinis na palaso; tinago niya ako sa kaniyang lalagyan ng palaso. 3 Sinabi niya sa akin, "Ikaw ang aking lingkod, Israel, na gagamitin ko para ipakita ang aking kaluwalhatian." 4 Kahit na inakala kong nagsikap ako para sa wala, ginamit ko ang aking lakas para sa wala, pero ang aking katarungan ay na kay Yahweh, at ang aking gantimpala ay nasa Diyos ko. 5 At ngayon ay nagsalita si Yahweh, siya na hinubog ako mula sa kapanganakan para maging lingkod niya, para ibalik si Jacob ulit sa kaniyang sarili, at tipunin ang Israel sa kaniya. Marangal ako sa mga mata ni Yahweh, at ang aking Diyos ang naging kalakasan ko. 6 Sinasabi niya, "Maliit na bagay para sa iyo na maging aking lingkod para itatag muli ang mga tribo ni Jacob, at ibalik ang mga nakaligtas sa Israel. Gagawin kitang ilaw ng mga dayuhan, na ikaw ang aking kaligtasan sa dulo ng mundo." 7 Ito ang sinasabi ni Yahweh, ang Tagapagligtas ng Israel, ang kanilang Banal, sa isang hinamak ang buhay, kinamuhian ng mga bansa, at isang alipin ng mga pinuno, "Makikita ka ng mga hari at tatayo sila, at makikita ka ng mga prinsipe at luluhod sila, dahil kay Yahweh na tapat, kahit ang Banal ng Israel, na pumili sa iyo." 8 Ito ang sinasabi ni Yahweh, "Sa oras na napagpasyahan kong ipakita ang aking pabor, sasagutin kita, at sa araw ng kaligtasan tutulungan kita; pangangalagaan kita, at ibibigay kita bilang isang tipan para sa mga tao, para itayo muli ang lupain, para itakda muli ang pinabayaang pamana. 9 Sasabihin mo sa mga bilanggo, 'Lumabas kayo;' sa mga nasa madidilim na kulungan, 'Ipakita ninyo ang inyong mga sarili.' Manginginain sila sa mga daanan, at magiging pastulan nila ang mga kalbong dalusdos. 10 Hindi sila magugutom o mauuhaw; maging ang init o ang araw ay hindi sila tatamaan, dahil siyang may awa sa kanila ay pangungunahan sila; gagabayan niya sila sa mga bukal ng tubig. 11 At gagawin kong daanan ang lahat ng aking mga bundok, at papatagin ko ang aking mga malawak na daanan." 12 Tingnan mo, ang mga ito ay nanggaling pa mula sa malayo, ang iba ay mula sa hilaga at kanluran; at ang iba ay mula sa lupain ng Syene. 13 Umawit kayo, mga kalangitan, at magpakasaya ka, kalupaan; umawit kayo, mga bundok! Dahil inaaliw ni Yahweh ang kaniyang bayan, at mahahabag sa mga nasasaktan. 14 Pero sinabi ng Sion, "Pinabayaan ako ni Yahweh, at kinalimutan ako ng Panginoon." 15 "Makakalimutan ba ng isang babae ang kaniyang sanggol, na pinasususo sa kaniyang suso, kaya wala siyang habag sa kaniyang anak na ipinanganak? Oo, maaaring makalimutan nila, pero hindi kita makakalimutan. 16 Tingnan mo, sinulat ko ang pangalan mo sa aking mga palad; nasa harapan ko palagi ang iyong mga pader. 17 Nagmamadaling bumalik ang mga anak mo, habang ang mga nagwasak sa iyo ay umaalis na. 18 Tingnan mo ang paligid mo at masdan, lahat sila ay nagtitipon at papunta sa iyo. Habang ako ay nabubuhay—ito ang pahayag ni Yahweh—tiyak na isusuot mo sila na parang mga alahas; isusuot mo sila, tulad ng babaing ikakasal. 19 Kahit na basura at pinabayaan ka, isang lupain na nasa mga guho, ngayon ay masyado kang liliit para sa mga naninirahan, at silang mga lumamon sa iyo ay lalayo. 20 Ang mga batang pinanganak sa panahon ng iyong pangungulila ay sasabihin sa iyong pandinig, 'Masyadong masikip ang lugar na ito para sa atin, bigyan ninyo kami ng lugar, para manirahan kami dito.' 21 Pagkatapos ay tatanungin mo ang iyong sarili, 'Sino ang nagpaanak ng mga batang ito para sa akin? Nangulila ako at baog, tinapon at hiniwalayan. Sino ang nagpalaki sa mga batang ito? Tingnan mo, naiwan akong nag-iisa; saan nanggaling ang mga ito?'" 22 Ito ang sinasabi ni Yahweh na ating Panginoon, "Tingnan mo, itataas ko ang aking kamay sa mga bansa; itataas ko ang aking bandilang panghudyat sa mga tao. Dadalhin nila ang mga anak mong lalaki sa kanilang mga bisig at bubuhatin nila ang mga anak mong babae sa kanilang mga balikat. 23 Magiging mga ama-amahan mo ang mga hari, at mga tagapag-alaga mo ang mga reyna nila; yuyuko sila sa iyo na nasa lupa ang mga mukha nila at didilaan nila ang alikabok sa mga paa mo; at malalaman mo na ako si Yahweh; silang naghihintay sa akin ay hindi mapapahiya." 24 Maaari bang makuha ang mga nasamsam mula sa mandirigma, o masagip ang mga bihag mula sa taong malupit? 25 Pero ito ang sinasabi ni Yahweh, "Oo, makukuha ang mga bihag mula sa mandirigma, at ang mga nasamsam ay masasagip; dahil kakalabanin ko ang iyong kaaway at ililigtas ang iyong mga anak. 26 At ipapakain ko sa mga nang-aapi sa iyo ang sarili nilang laman; at malalasing sila sa sarili nilang dugo, na para bang alak ito; at ang buong sangkatauhan ay malalaman na Ako, si Yahweh, ang iyong Tagapagligtas at Manunubos, ang Makapangyarihan ng Jacob."
Chapter 50
1 Ito ang sinasabi ni Yahweh, "Nasaan ang katibayan ng paghihiwalay na ginamit ko para hiwalayan ang inyong ina? At kanino sa mga tagapagbili ko kayo pinagbili? Tingnan ninyo, pinagbili kayo dahil sa inyong mga kasalanan, at dahil sa inyong paghihimagsik, pinatapon ang inyong ina. 2 Bakit nagpunta ako pero walang naroroon? Bakit tumawag ako pero walang sumagot? Masyado bang maiksi ang kamay ko para tubusin kayo? Wala ba akong kapangyarihan para iligtas kayo? Tingnan ninyo, sa aking pagsasaway natutuyo ko ang dagat; ginagawa kong disyerto ang mga ilog; namamatay ang mga isda nito dahil sa kakulangan ng tubig at nabubulok. 3 Dinadamitan ko ang himpapawid ng kadiliman; tinatakpan ko ito ng sako." 4 Binigyan ako ng Panginoong si Yahweh ng dila na katulad ng mga marunong, kaya nagsasabi ako ng nakakatulong na salita sa napapagod; ginigising niya ako bawat umaga; ginigising niya ang tainga ko para makarinig tulad ng mga marunong. 5 Binuksan ng Panginoong si Yahweh ang aking tainga, at hindi ako mapaghimagsik, maging ang tumalikod. 6 Binigay ko ang aking likod sa mga bumubugbog sa akin, at ang aking mga pisngi sa mga bumunot ng aking balbas; hindi ko tinago ang aking mukha mula sa pamamahiya at panunura. 7 Dahil tutulungan ako ng Panginoong si Yahweh; kaya hindi ako napahiya; kaya ginawa kong matigas na bato ang mukha ko, dahil alam kong hindi ako malalagay sa kahihiyan. 8 Siya na magpapawalang-sala sa akin ay malapit lang. Sino ang sasalungat sa akin? Tumayo tayo at harapin ang bawat isa. Sino ang nag-aakusa sa akin? Hayaan ninyo siyang lumapit sa akin. 9 Tingnan ninyo, tutulungan ako ng Panginoong si Yahweh. Sino ang magpapahayag na makasalanan ako? Tingnan ninyo, masisira sila tulad ng damit; kakainin sila ng gamu-gamo. 10 Sino sa inyo ang natatakot kay Yahweh? Sino ang sumusunod sa boses ng kaniyang lingkod? Sino ang naglalakad sa malalim na kadiliman nang walang liwanag? Dapat siyang magtiwala sa pangalan ni Yahweh at sumandal sa kaniyang Diyos. 11 Tingnan ninyo, lahat kayong nagsisindi ng apoy, kayong nagdadala ng mga sulo: maglakad kayo sa liwanag ng inyong apoy at sa alab na sinindihan ninyo. Ito ang natanggap ninyo mula sa akin: hihimlay kayo sa lugar ng kirot.
Chapter 51
1 Makinig kayo sa akin, kayong mga naghahabol ng katuwiran, kayong naghahanap kay Yahweh: tingnan ninyo ang bato kung saan kayo tinapyas at sa tibagan ng bato kung saan kayo tinibag. 2 Tingnan ninyo si Abraham, ang inyong ama, at si Sara, na nagpanganak sa inyo; dahil nang siya ay mag-isa, tinawag ko siya. Pinagpala ko siya at pinarami. 3 Oo, aaliwin ni Yahweh ang Sion; aaliwin niya ang kaniyang mga napabayaang lugar; ang kaniyang ilang ay ginawa niyang parang Eden, at ang kaniyang mga disyerto sa tabi ng lambak ng Ilog Jordan na parang hardin ni Yahweh; kagalakan at kaligayahan ay matatagpuan sa kaniya, pasasalamat, at ang tunog ng pag-awit. 4 Pansinin ninyo ako, aking bayan; at makinig kayo sa akin, aking bayan! Dahil maglalabas ako ng kautusan, at gagawin kong ilaw ang aking katarungan para sa mga bansa. 5 Ang aking katuwiran ay malapit na; lalabas ang aking kaligtasan, at hahatulan ng aking bisig ang mga bansa; hihintayin ako ng mga baybayin; sabik nilang hihintayin ang aking bisig. 6 Itaas ninyo ang inyong mga mata sa himpapawid, at tingnan ninyo ang lupa sa ibaba, dahil maglalaho ang kalangitan tulad ng usok, masisira ang mundo tulad ng damit, at mamamatay ang mga naninirahan dito na parang mga langaw. Pero ang aking kaligtasan ay magpapatuloy magpakailanman, at ang aking katuwiran ay hindi titigil na kumilos. 7 Makinig kayo sa akin, kayong nakakaalam ng tama, kayong mga taong may batas ko sa inyong puso: Huwag ninyong katakutan ang mga insulto ng mga tao, maging ang mapanghinaan ng loob dahil sa kanilang abuso. 8 Dahil kakainin sila ng gamu-gamo tulad ng damit, at kakainin sila ng bulate tulad ng lana; pero ang aking katuwiran ay magpakailanman, at ang aking kaligtasan sa lahat ng salinlahi." 9 Gumising ka, gumising ka, damitan mo ng kalakasan ang iyong sarili, bisig ni Yahweh. Gumising ka tulad nung nakaraan, ang mga salinlahi ng mga sinaunang panahon. Hindi ba ikaw ang dumurog sa halimaw ng dagat, ikaw na sumaksak sa dragon? 10 Hindi ba ikaw ang nagpatuyo ng dagat, ang tubig ng kailaliman, at ginawang daanan ang kailaliman ng dagat para makadaan ang mga iniligtas? 11 Babalik ang mga tinubos ni Yahweh at pupunta sa Sion nang may mga sigaw ng kagalakan at may kaligayahan magpakailanman sa kanilang mga ulo; at kaligayahan at kagalakan ang mananaig sa kanila, at lalayo ang kalungkutan at pagluluksa. 12 "Ako, Ako, ang siyang umaaliw sa inyo. Bakit kayo natatakot sa mga tao, na mamamatay, ang mga anak ng tao, na ginawa tulad ng damo? 13 Bakit ninyo nakalimutan si Yahweh na inyong Manlilikha, na umunat ng kalangitan at naglatag ng mga pundasyon ng mundo? Kayo ay nasa patuloy na pangamba araw-araw dahil sa nag-aalab na galit ng mang-aapi kapag nagpasya siyang magwasak. Nasaan ang galit ng mang-aapi? 14 Ang isang nakayuko, magmamadali si Yahweh na pakawalan; hindi siya mamamatay at pupunta sa hukay, maging ang mawalan ng tinapay. 15 Dahil ako si Yahweh na inyong Diyos, na ginagambala ang dagat, para dumagundong ang mga alon—Yahweh ng mga hukbo ang kaniyang pangalan. 16 Nilagay ko ang aking mga salita sa inyong bibig, at tinakpan ko kayo ng anino ng aking kamay, para matanim ko ang kalangitan, mailatag ang mga pundasyon ng mundo, at sabihin sa Sion, 'Kayo ang aking bayan.'" 17 Gumising ka, gumising ka, bumangon ka, Jerusalem, ikaw na ininom ang mangkok ng galit ni Yahweh mula sa kaniyang kamay; ikaw na ininom ang mangkok, ang mangkok ng pagsuray, at inubos mo ito. 18 Wala sa lahat ng mga anak niya ang gagabay sa kaniya; wala sa lahat ng mga anak niyang pinalaki ang kukuha sa kaniyang kamay. 19 Nangyari sa iyo ang dalawang kaguluhan na ito—sino ang makikidalamhati sa iyo? —pangungulila at pagkawasak, at ang taggutom at ang espada. Sino ang aaliw sa iyo? 20 Nahimatay ang mga anak mo; nakahiga sila sa bawat sulok ng lansangan, tulad ng antilope sa lambat; puno sila ng galit ni Yahweh, ang pagsaway ng iyong Diyos. 21 Pero ngayon pakinggan mo ito, ikaw na inapi at lasing, pero hindi lasing sa alak: 22 Ang iyong Panginoong si Yahweh, na iyong Diyos, na nakikiusap para sa kapakanan ng kaniyang bayan, ay sinasabi ito, "Tingnan mo, kinuha ko ang kopa ng pagsuray mula sa iyong kamay—ang kopa ng tasa ng aking galit—para hindi mo na ito iinumin muli. 23 Ilalagay ko ito sa kamay ng mga nagpapahirap sa iyo, silang sinabi sa iyo, 'Mahiga ka, para malakaran ka namin'; ginawa mong tulad ng lupa ang likod mo at tulad ng lansangan para malakaran nila."
Chapter 52
1 Gumising ka, gumising ka, Sion; isuot mo ang iyong kalakasan, Isuot mo ang iyong magagandang kasuotan, Jerusalem, banal na lungsod; dahil hindi na muling makakapasok sa iyo ang mga hindi tuli o ang mga marurumi. 2 Pagpagin mo ang mga alikabok mula sa iyong sarili; bumangon ka at umupo, Jerusalem; tanggalin mo ang kadena mula sa iyong leeg, bihag, na anak na babae ng Sion. 3 Dahil ito ang sinasabi ni Yahweh, "Kayo ay ipinagbili ng walang bayad, at kayo ay tutubusin ng walang salapi." 4 Dahil ito ang sinasabi ng Panginoon na si Yahweh, "Sa panimula ang bayan ko ay bumaba sa Ehipto para mamuhay doon pansamantala; kamakalailan lamang ay inapi sila ng Asiria. 5 Ngayon, ano ang mayroon ako dito--ito ang pahayag ni Yahweh-- nakikita ko ang aking bayan na inilalayo ng walang dahilan? Humahagulgol ang mga namumuno sa kanila--ito ang pahayag ni Yahweh--ang aking pangalan ay patuloy na sinisiraan buong araw. 6 Kaya makikilala ng aking bayan ang pangalan ko; malalaman nila sa araw na iyon na ako nga ang siyang nagsabi nito. Oo, ako nga ito!" 7 Kay ganda sa mga kabundukan ang mga paa ng mensahero na nagdadala ng mabuting balita, na siyang nagpapahayag ng kapayapaan, na nagdadala ng mga mabuting balita, na nagpapahayag ng kaligtasan, na sinasabi sa Sion, "Ang Diyos ninyo ay naghahari!" 8 Makinig kayo, ang inyong mga bantay ay nilalakasan ang kanilang mga tinig, sabay sabay silang sumisigaw sa kagalakan, dahil makikita nila, sa kanilang bawat mata ang pagbabalik ni Yahweh sa Sion. 9 Magsimula kayong umawit ng sabay-sabay ng may kagalakan; kayong mga guho ng Jerusalem, dahil inaliw ni Yahweh ang kanyang bayan: tinubos niya ang Jerusalem. 10 Inilantad ni Yahweh ang kanyang makapangyarihang kamay sa paningin ng lahat ng mga bansa; makikita ng buong daigdig ang pagliligtas ng ating Diyos. 11 Umalis kayo, umalis kayo, lumabas kayo roon; huwag kayong humipo ng kahit anong maruruming bagay; umalis kayo sa kaniyang kalagitnaan; dalisayin ninyo ang inyong mga sarili, kayong mga nagdadala ng mga sisidlan ni Yahweh. 12 Dahil hindi kayo magmamadaling lumabas, ni aalis kayo nang may pagkatakot; dahil si Yahweh ang mangunguna sa inyo; at ang Diyos ng Israel ang magiging bantay sa inyong likuran. 13 Masdan, ang aking lingkod ay makikipagkasundo ng may karunungan at katagumpayan: siya ay itataas at dadakilain; siya ay magiging kapuri-puri. 14 Gaya nang maraming nasisindak sa iyo--ang kanyang anyo ay pinapangit, kaya ang kanyang hitsura ay malayo sa anumang anyo ng tao-- 15 kaya gugulatin niya ang maraming bansa; ititikom ng mga hari ang kanilang mga bibig dahil sa kanya. Na kung saan sila hindi nasabihan, makikita nila, na kung saan sila hindi narinig, ay mauunawaan nila.
Chapter 53
1 Sino ang maniniwala sa aming narinig? At ang bisig ni Yahweh, kanino ito ipinahayag? 2 Dahil lumaki siya sa harapan ni Yahweh gaya ng isang supling, at gaya ng isang usbong sa tigang na lupa; wala siyang taglay na kapansin-pansin na hitsura o kaningningan; noong makita namin siya, walang kagandahan para kami ay maakit. 3 Siya ay hinamak at itinakwil ng mga tao; isang taong maraming kalungkutan, at siyang pamilyar sa sakit. Kagaya ng isang pinagtataguan ng mga tao ng kanilang mga mukha, siya ay hinamak; Itinuring namin siyang hindi mahalaga. 4 Pero tiyak na pinasan niya ang ating mga karamdaman at dinala ang ating mga kalungkutan; gayon man ay inakala natin na pinarusahan siya ng Diyos, pinalo siya ng Diyos, at pinahirapan. 5 Pero sinaksak siya dahil sa ating mga ginawang paghihimagsik; nadurog siya dahil sa ating mga kasalanan. Ang kaparusahan para sa ating kapayapaan ay nasa kanya, at pinagaling niya tayo sa pamamagitan ng kanyang mga sugat. 6 Tayong lahat ay gaya ng mga tupang ligaw; ang bawat isa ay nagkanya-kanyang daan, at ipinataw sa kanya ni Yahweh ang kasamaan nating lahat. 7 Siya ay pinahirapan; gayun man nang nagpakumbaba siya, hindi niya ibinuka ang kanyang bibig, gaya ng isang kordero na dinadala sa katayan, at gaya ng tupa na bago ito gupitan ay tahimik, kaya hindi niya ibinuka ang kanyang bibig. 8 Sa pamamagitan ng pamimilit at paghuhusga siya ay hinatulan; sino mula sa henerasyon iyon ang nakaalala pa sa kanya? Pero siya ay nahiwalay mula sa lupain ng mga buhay; dahil sa mga kasalanan ng aking bayan ay ipinataw sa kanya ang parusa. 9 Sinadya nilang gumawa ng libingan para sa kanya kasama ang mga pumapatay, kasama ang isang mayaman sa kanyang kamatayan, kahit na hindi siya nakagawa ng anumang karahasan, ni nagkaroon ng anumang pandaraya sa kanyang bibig. 10 Ito ay kalooban ni Yahweh para durugin siya at gawin siyang masama; at kung ginagawa niyang handog ang kanyang buhay para sa kasalanan, makikita niya ang kanyang mga anak, pahahabain niya ang kanyang mga araw, at ang kalooban ni Yahweh ay matutupad sa pamamagitan niya. 11 Pagkatapos niyang magdusa, makikita niya at masisiyahan sa pamamagitan ng kaalaman kung ano ang kanyang nagawa. Ang aking matuwid na lingkod ay ipawawalang-sala ang marami; dadalhin niya ang kanilang kasamaan. 12 Kaya ibibigay ko sa kanya ang kanyang kabahagi sa gitna ng maraming tao, at hahatiin niya ang mga nasamsam sa karamihan, dahil inilantad niya ang kanyang sarili sa kamatayan at ibinilang siyang kasama ng mga makasalanan. Dinala niya ang kasalanan ng marami at namagitan siya para sa mga makasalanan.
Chapter 54
1 "Umawit ka, baog na babae, ikaw na hindi pa nagkakaanak; ikaw ay biglang umawit nang may galak at umiyak nang malakas, kayong mga hindi pa kailanman nakaranas manganak. Dahil ang mga anak ng naulila ay mas marami kaysa sa mga anak ng babaeng may asawa," ang sinasabi ni Yahweh. 2 Gawin ninyong mas malaki ang inyong tolda at ilatag ang inyong mga kurtina ng tolda nang mas malawak; nang walang panghihinayang, pahabain ang inyong mga lubid at patibayin ang inyong mga tulos. 3 Dahil lalaganap kayo sa kanang kamay at sa kaliwa, at lulupigin ng inyong mga kaapu-apuhan ang mga bansa at muling maninirahan sa pinabayaang mga lungsod. 4 Huwag kayong matakot dahil hindi kayo mapapahiya, ni panghinaan ng loob dahil hindi kayo dudulutan ng kahihiyan; makakalimutan ninyo ang kahihiyan ng inyong kabataan at ang kahihiyan ng inyong pagpapabaya. 5 Dahil ang inyong Manlilikha ay ang inyong asawa; Yahweh ng mga hukbo ang kanyang pangalan. At Ang Banal ng Israel ay ang inyong Manunubos; Tinatawag siyang Diyos ng buong daigdig. 6 Dahil tinatawag kayo muli ni Yahweh bilang asawa napabayaan at nagdadalamhati sa espiritu, gaya ng isang babaeng maagang nag-asawa at itinakwil, Ang sabi ng iyong Diyos. 7 Sa maikling sandali ay pinabayaan ko kayo, pero sa matinding kahabagan ay titipunin ko kayo. 8 Sa pagbaha ng aking galit ay pansamantala kong itinago ang aking mukha sa inyo; pero sa pamamagitan ng walang hanggang katapatan sa tipan ay maaawa ako sa inyo--sinasabi ni Yahweh, ang siyang nagliligtas sa inyo. 9 Katulad ito ng mga tubig sa panahon ni Noe sa akin: kagaya ng pagsumpa ko sa mga tubig noong panahon ni Noe na hindi na muli babahain ang ibabaw ng mundo, kaya isinumpa kong hindi na ako magagalit sa inyo o sawayin kayo. 10 Kahit na ang mga bundok ay maaring bumagsak at yayanigin ang mga burol, gayon man ang aking katapatan sa tipan ay hindi hihiwalay mula sa inyo, ni ang aking tipan ng kapayapaan ay mayayanig---sinasabi ni Yahweh, siyang naaawa sa inyo. 11 Kayo na sinugatan, kayo na tinangay ng bagyo at walang kaaliwan, masdan ninyo, ilalatag ko ang inyong daanan sa turkesa at lalatagan ko ng mga safiro ang inyong mga pundasyon. 12 Gagawin kong mga rubi ang inyong mga tore at ang inyong mga tarangkahan ng mga nagniningning na bato, at magagandang bato sa labas ng inyong pader. 13 At tuturuan ni Yahweh ang lahat ng inyong mga anak; at ang kapayapaan ng inyong mga anak ay magiging dakila. 14 Sa katuwiran ay itatatag ko kayo muli. Hindi na kayo makakaranas ng pag-uusig, dahil hindi kayo matatakot, walang anumang nakakatakot ang makakalapit sa inyo. 15 Masdan, kung sinuman ang mag-uumpisa ng kaguluhan, hindi ito magmumula sa akin; ang sinumang mag-uumpisa ng kaguluhan sa inyo ay babagsak sa pagkatalo. 16 Masdan, nilikha ko ang panday na siyang umiihip sa mga nagbabagang uling at nagpapanday ng mga sandata bilang kanyang hanapbuhay, nilikha ko ang manlilipol para lumipol. 17 Walang sandata na ginawa laban sa inyo ang magtatagumpay; at isusumpa ninyo ang lahat nang nagpaparatang sa inyo. Ito ang pamana ng mga lingkod ni Yahweh, at kanilang pagbibigay-matuwid mula sa akin--ito ang pahayag ni Yahweh.
Chapter 55
1 Lumapit kayo, ang bawat isang nauuhaw, magsiparito kayo sa tubig! At kayo na walang salapi, bumili kayo at kumain! Halikayo, bumili kayo ng alak at gatas na walang pera at walang bayad. 2 Bakit ninyo tinitimbang ang pilak na hindi naman tinapay? At gumagawa ng hindi naman nakasisiya? Makinig mabuti sa akin at kainin kung ano ang mabuti, at malugod kayo sa taba. 3 Ikiling ang inyong mga tainga at lumapit sa akin! Makinig, upang kayo ay mabuhay! Tiyak na gagawa ako ng walang hanggang tipan sa inyo, ang mga gawa ng katapatan sa tipan na ibinigay kay David. 4 Masdan, itinalaga ko siyang saksi sa mga bansa, bilang pinuno at tagapag-utos ng mga bansa. 5 Masdan, tatawag kayo sa bansa na hindi ninyo nakikilala; at ang isang bansa na hindi ninyo kilala ay pupunta sa inyo dahil si Yahweh ang inyong Diyos, Ang Banal ng Israel, na siyang dumakila sa inyo." 6 Hanapin si Yahweh habang siya ay maaari pang matagpuan; tumawag sa kaniya habang siya ay nasa malapit. 7 Hayaaan ang masasama na umalis sa kaniyang landas, at ang mga kaisipan ng taong nasa kasalanan. Hayaan siyang manumbalik kay Yahweh, at maaawa siya sa kaniya, at sa ating Diyos, na siyang lubusang magpapatawad sa kaniya. 8 Dahil ang aking mga kaisipan ay hindi ninyo mga kaisipan, ni ang inyong mga kaparaanan ay aking kaparaanan--ito ay pahayag ni Yahweh tungkol sa kanyang sarili-- 9 dahil gaya ng mga langit na mas mataas kaysa sa lupa, kaya ang aking mga pamamaraan ay mas mataas kaysa sa inyong mga pamamaraan, at ang aking mga kaisipan kaysa sa inyong mga kaisipan. 10 Dahil ang ulan at niyebe na bumabagsak mula sa langit at hindi na bumabalik doon maliban kung binababaran nila ang lupa at nagpapatubo at nagpapasibol at nagbibigay binhi sa maghahasik at tinapay sa mga kumakain, 11 gaya rin ng aking salita na lumalabas sa aking bibig: hindi ito babalik sa akin nang walang kabuluhan, pero tutuparin nito ang aking nais, at magtatagumpay kung saan ko ito ipinadala. 12 Dahil lalabas kayo ng may kagalakan at magpapatuloy ng may kapayapaan; ang mga bundok at mga burol ay mag-uumpisang sumigaw nang may kagalakan sa inyong harapan at lahat ng mga puno sa mga bukirin ay ipapalakpak ang kanilang mga kamay. Sa halip na mga matitinik na halaman, tutubo ang mga luntiang halaman; 13 Sa halip na dawag, tutubo ang puno ng mirtel, at magiging para kay Yahweh, para sa kaniyang pangalan, bilang isang walang hanggang tanda na hindi mapuputol.
Chapter 56
1 Ito ang sinasabi ni Yahweh. "Sundin kung ano ang tama, gawin kung ano ang makatarungan; dahil malapit na ang aking pagliligtas, at ang aking katuwiran ay ibubunyag na. 2 Mapalad ang taong gumagawa nito, at sa sinumang mahigpit na humahawak dito. Sumusunod siya sa Araw ng Pamamahinga, hindi niya ito dinudungisan, at iniingatan ang kanyang kamay mula sa paggawa ng anumang kasamaan." 3 Huwag ninyong hayaan ang sinumang dayuhan na naging tagasunod ni Yahweh ang magsabi na, "Tiyak na ihihiwalay ako ni Yahweh mula sa kanyang bayan. "Huwag sasabihin ng isang eunuko na, "Tingnan mo, ako ay isang tuyot na puno." 4 Dahil ito ang sinasabi ni Yahweh, "Sa mga eunuko na sumusunod sa aking mga Araw ng Pamamahinga at pumipili kung ano ang nakalulugod sa akin at mahigpit na pinanghahawakan ang aking tipan-- 5 Itatatag ko sa kanila sa loob aking tahanan at sa loob ng aking mga pader ang isang bantayog na mas mabuti kaysa pagkakaroon ng mga anak na lalaki at mga babae; bibigyan ko sila ng walang hanggang bantayog na hindi mapuputol. 6 Gayon din ang mga dayuhan na umanib kay Yahweh, para maglingkod sa kanya, at nagmamahal sa pangalan ni Yahweh, para sambahin siya, lahat na tumutupad sa Araw ng Pamamahinga at mga nag-iingat na dungisan ito, at mahigpit na pinanghahawakan ang aking tipan, 7 dadalhin ko ang mga ito sa aking banal na bundok at gagawin ko silang maligaya sa aking bahay-dalanginan; ang kanilang mga handog na susunugin at kanilang mga alay ay tatanggapin sa aking altar. Dahil ang aking tahanan ay tatawagin na bahay dalanginan para sa lahat ng mga bansa, 8 ito ang pahayag ng Panginoon na si Yahweh, na siyang nagtitipon sa mga taong pinabayaan sa Israel-- titipunin ko pa rin ang iba para idagdag sa kanila." 9 Lahat kayong mga ligaw na hayop sa parang, magsiparito kayo at lumamon, lahat kayong mga hayop sa kagubatan! 10 Lahat ng kanilang mga bantay ay mga bulag; hindi sila nakakaunawa; silang lahat ay mga asong pipi; sila ay hindi makatahol; nananaginip, nakahiga at mahilig matulog. 11 Ang mga aso ay matatakaw; hindi kailanman sila mabubusog; sila ay mga pastol na walang mabuting pasya; silang lahat ay bumaling sa kanilang sariling pamamaraan, bawat isa ay mapag-imbot sa hindi makatarungang pakinabang. 12 Halikayo, "sabi nila, uminom tayo ng alak at matapang na alak; bukas ay magiging tulad ng araw na ito, isang dakilang araw na hindi kayang sukatin."
Chapter 57
1 Ang mga matutuwid ay pupuksain, pero hindi isinasaalang-alang ito ng sinuman, at ang mga tao ng katapatan sa tipan ay titipuning palayo, pero walang nakaka-unawa na ang mga matuwid ay ilalayo mula sa kasamaan. 2 Siya ay pumapasok sa kapayapaan; magpapahinga sila sa kanilang mga higaan, silang mga lumalakad sa kanilang katapatan. 3 Ngunit magsilapit kayo, kayong mga anak na lalaki ng babaeng mangkukulam, mga anak ng mapakiapid at ang masamang babae na ipinagbili ang kanyang sarili. 4 Para kanino ang masaya ninyong panunukso? Laban kanino ang pagbuka ng inyong bibig at ang inyong pandidila? Hindi ba kayo mga anak ng paghihimagsik, mga anak ng pandaraya? 5 Pinapainit ninyo ang inyong mga sarili na magkasamang nagsisiping sa ilalim ng mga puno ng ensena? sa ilalim ng bawat luntiang puno, kayong mga pumapatay ng inyong mga anak sa mga tuyong ilog, sa ilalim ng mga mabatong bangin. 6 Sa gitna ng mga makikinis na bagay sa ilog ng lambak ay ang mga bagay na itinalaga sa inyo. Sila ang pinagtutuunan ng inyong debosyon. Ibinubuhos ninyo ang inyong inuming handog sa kanila at nagtataas ng handog na butil. Dapat ba akong masiyahan sa mga bagay na ito? 7 Inihanda ninyo ang inyong higaan sa isang mataas ng bundok; umakyat din kayo doon para maghandog ng mga alay. 8 Sa likod ng pinto at mga haligi ay inilagay ninyo ang iyong mga simbolo; iniwanan ninyo ako at hinubaran ninyo ang inyong mga sarili, at kayo ay umakyat; pinalawak ninyo ang inyong higaan. Gumawa kayo ng tipan sa kanila; nagustuhan ninyo ang kanilang mga higaan; nakita ninyo ang kanilang mga maseselang bahagi. 9 Kayo ay pumunta sa hari na may langis; pinarami ninyo ang inyong mga pabango. Ipinadala ninyo sa malayo ang inyong mga kinatawan; kayo ay bumaba sa sheol. 10 Kayo ay napagod mula sa inyong mahabang paglalakbay, pero hindi ninyo kailanman sinabi "Ito ay walang pag-asa." Natagpuan ninyo ang buhay sa inyong mga kamay; kaya hindi kayo nanghina. 11 Kanino ba kayo nag-aalala? Kanino ba kayo labis na natatakot na siyang nagdudulot para kumilos kayo nang may panlilinlang, kaya halos hindi ninyo maala-ala o maisip ang tungkol sa akin? Dahil nanahimik ako nang napakatagal, hindi na kayo natatakot sa akin. 12 Ipapahayag ko ang inyong mga matuwid na gawain at sabihin ang lahat ng inyong mga nagawa, pero hindi nila kayo tutulungan. 13 Kapag kayo ay umiiyak, hayaan ninyong sagipin kayo ng mga inipon ninyong mga diyus-diyosan. Sa halip ay tatangayin silang lahat ng hangin palayo, ang isang hininga ang tatangay sa kanila palayo. Ngunit ang nagkukubli sa akin ay magmamana ng lupain at magmamay-ari ng aking banal na bundok. 14 Sasabihin niya, "Magtayo kayo, magtayo kayo! Linisin ninyo ang daan! Alisin lahat ang mga hadlang sa landas ng aking bayan!"" 15 Dahil ito ang sinasabi ng Nag-iisang mataas at matayog, na nabubuhay magpakailanman, na ang pangalan ay banal." Namumuhay ako sa dakila at banal na lugar, kasama rin niya ang durog at mapagpakumbabang espiritu, para muling buhayin ang espiritu ng mga mabababang loob at muling buhayin ang puso ng mga nagsisisi. 16 Dahil hindi ako magpaparatang magpakailanman; ni magagalit nang walang katapusan, dahil pagkatapos ang espiritu ng tao ay manlulupaypay sa harapan ko, ang mga buhay na aking ginawa. 17 Dahil sa kasalanan ng kanyang marahas na pakinabang, ako ay nagalit, at pinarusahan ko siya; itinago ko ang aking mukha at ako ay nagalit, pero siya ay nanumbalik sa pamamaraan ng kanyang puso. 18 Nakita ko ang kanilang mga pamamaraan, pero pagagalingin ko sila. Papatnubayan ko sila at pagiginhawain at aaliwin ang mga nagdadalamhati para sa kaniya, 19 at nilikha ko ang bunga ng mga labi. Kapayapaan, kapayapaan, sa mga malalayo at sa mga malalapit--sinasabi ni Yahweh--pagagalingin ko sila. 20 Pero ang mga masasama ay gaya nang maalon na dagat, kung saan hindi nagpapahinga, at ang tubig nito ay umaalimbukay ng burak at putik. 21 Walang kapayapaan para sa isang masama--sinasabi ng Diyos."
Chapter 58
1 "Umiyak ka ng malakas, huwag mong pigilin, lakasan mo ang iyong tinig katulad ng isang trumpeta, harapin mo ang aking bayan sa kanilang pagrerebelde, at ang angkan ni Jacob kasama ng kanilang mga kasalanan. 2 Gayun pa man ako ay sinisiyasat nila araw-araw at nasisiyahan sa kaalaman ng aking mga paraan, katulad ng isang bansa na isinasabuhay ang katuwiran at hindi tinalikuran ang batas ng kanilang Diyos. Sila ay humingi sa akin ng makatuwirang mga paghatol; sila ay nasisiyahan na lumalapit sa Diyos. 3 Bakit tayo nag-ayuno; sinabi nila, "pero hindi ninyo nakikita ito? Bakit tayo nagpakumbaba, pero hindi ninyo napapansin?" Pagmasdan ninyo, sa araw ng inyong pag-aayuno ang sarili ninyong kasiyahan ang inyong hinahanap at pinapahirapan ang lahat ng inyong mga manggagawa. 4 Pagmasdan ninyo, kayo ay nag-aayuno para makipag-away at makipag-laban, at para sumuntok sa pamamagitan ng inyong kamaong makasalanan; hindi kayo nag-aayuno ngayon para marinig ang inyong tinig sa kaitaasan. 5 Ito ba talaga ang uri ng pag-aayuno na ninanais ko: Isang araw para sinuman ang magpakumbaba, para iyuko niya ang kaniyang ulo tulad ng isang tambo, at para ilatag ang magaspang na tela at mga abo sa ilalim niya? Ito ba talaga ang tinatawag mong isang pag-aayuno, isang araw na nakalulugod kay Yahweh? 6 Hindi ba ito ang pag-aayuno na pinili ko: na palayain ang mga masamang pagkakagapos, na kalagin ang mga lubid ng pamatok, na palayain ang mga dinurog, at baliin ang bawat pamatok? 7 Hindi ba ito para ipamahagi ang inyong tinapay sa nagugutom at dalhin ang dukha at walang tahanan sa inyong bahay?" Kapag nakakita kayo ng isang taong nakahubad, dapat ninyo siyang bihisan; at hindi ninyo dapat itago ang inyong sarili mula sa sarili ninyong mga kamag-anak. 8 Pagkatapos ang inyong liwanag ay magbubukas tulad ng pagsikat ng araw, at mabilis na manunumbalik ang inyong kagalingan; pangungunahan kayo ng inyong katuwiran, at ang kaluwalhatian ni Yahweh ay maaari ninyong maging bantay sa inyong likuran. 9 Pagkatapos kayo ay tatawag, at si Yahweh ay sasagot; kayo ay tatangis para tulungan, at kaniyang sasabihin, "Naririto ako." Kung aalisin ninyo mula sa inyong mga sarili ang pamatok, ang nagpaparatang na daliri, at ang pananalita ng kasamaan, 10 kung kayo mismo ay nagbibigay para sa nagugutom at tumutugon sa pangangailangan ng nagdurusa; sa gayon ang inyong liwanag ay sisikat sa kadiliman, at ang inyong kadiliman ay magiging katulad sa katanghalian. 11 Kung ganoon patuloy kayong pagungunahan ni Yahweh at bibigyan kayo ng kasiyahan sa mga rehiyon kung saan walang tubig, at palalakasin niya ang inyong mga buto. Kayo ay magiging katulad ng isang nadiligang hardin, at katulad ng isang bukal ng tubig, na hindi natutuyuan ng tubig kailanman. 12 Ang ilan sa inyo ay muling magtatayo ng mga sinaunang gusali na gumuho; itatayo ninyo ang mga gumuhong lungsod ng maraming mga salinlahi; tatawagin kayong "Ang tagakumpuni ng pader," "Ang tagapanumbalik ng mga lansangan para matirahan." 13 Ipagpalagay ninyo na tumalikod kayo mula sa paglalakbay sa Araw ng Pamamahinga, at mula sa ginagawa ninyong sariling kasiyahan sa aking banal na araw. Ipagpalagay ninyo na ang Pamamahinga ay tinatawag ninyong isang kasiyahan, at tinatawag ninyo na banal at pinarangalan ang mga bagay ni Yahweh. Ipagpalagay ninyo na pinararangalan ninyo ang Araw ng Pamamahinga sa pamamagitan ng pag-iwan ng inyong sariling negosyo, at sa pamamagitan ng hindi paghahanap ng sarili ninyong kasiyahan at sa pamamagitan ng hindi pagsasalita ng sarili ninyong mga salita. 14 Kung ganoon makatatagpo kayo ng kasiyahan kay Yahweh; at pasasakayin ko kayo sa mga matataas na lugar ng daigdig; pakakainin ko kayo mula sa minana ni Jacob na inyong ama-- dahil ang bibig ni Yahweh ang nagsalita."
Chapter 59
1 Pagmasdan ninyo, Ang kamay ni Yahweh ay hindi napakaigsi para hindi ito makapagligtas; ni ang kaniyang pandinig ay napakahina, para hindi ito makarinig. 2 Ang inyong makasalanang mga kilos, gayunman, ay naghiwalay sa inyo mula sa inyong Diyos, at dahil sa inyong mga kasalanan ay nagawa niyang maitago ang kaniyang mukha mula sa inyo at mula sa pakikinig sa inyo. 3 Dahil ang inyong mga kamay ay narumihan ng dugo at ang inyong mga daliri ng kasalanan. Ang inyong mga labi ay nagsasalita ng mga kasinungalingan at ang inyong dila ay nagsasalita ng may malisya. 4 Walang isa man ang tumatawag sa katuwiran, at walang nagsusumamo ng kaniyang kalagayan nang totoo. Sila ay nagtitiwala sa walang kabuluhang mga salita, at nagsasabi ng mga kasinungalingan; sila ay nagbabalak ng kaguluhan at nagbubunga ng kasalan. 5 Sila ay nagpipisa ng mga itlog ng isang makamandag na ahas at naghahabi ng sapot ng gagamba. Sinuman ang kumakain ng kanilang mga itlog ay namamatay, at kung ang isang itlog ay mapisa, ito ay napipisa para maging isang makamandag na ahas. 6 Ang kanilang mga sapot ay hindi maaaring magamit para sa mga kasuotan, ni maaaring takpan nila ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng kanilang mga gawain. Ang kanilang mga gawa ay mga gawa ng kasalanan, at ang mga gawain ng karahasan ay nasa kanilang mga kamay. 7 Ang kanilang mga paa ay tumatakbo sa kasamaan, at sila ay tumatakbo para magbuhos ng dugo ng walang kasalanan. Ang kanilang mga kaisipan ay mga kaisipan ng kasalanan; karahasan at kasiraan ay kanilang mga daan. 8 Ang daan ng kapayapaan ay hindi nila nalalaman, at walang katarungan sa kanilang mga landas. Sila ay gumawa ng mga likong mga landas; ang sinumang naglalakbay sa mga landas na ito ay hindi nalalaman ang kapayapaan. 9 Kaya ang katarungan ay malayo mula sa amin, ni ang katuwiran ay nakararating sa amin. Kami ay naghihintay sa liwanag, pero kadiliman ang nakikita, naghahanap kami ng kaningningan, pero naglalakad kami sa kadiliman. 10 Kinakapa namin ang pader katulad ng bulag, katulad ng mga hindi nakakikita. Kami ay natitisod sa katanghalian na parang sa takip-silim; sa kalagitnaan ng malakas kami ay katulad ng mga patay. 11 Kami ay umuungal katulad ng mga oso at dumadaing katulad ng mga kalapati; kami ay naghihintay ng katarungan, pero wala; para masagip, pero ito ay malayo mula sa amin. 12 Dahil ang aming maraming paglabag sa iyong kautusan ay nasa harapan mo, at ang aming mga kasalanan ay magpapatotoo laban sa amin; dahil ang aming mga pagkakasala ay nasa amin, at nalalaman namin ang aming mga kasalanan. 13 Kami ay nagrebelde, itinatanggi si Yahweh at tumatalikod mula sa pagsunod sa aming Diyos. Kami ay nagsalita ng paniniil at sa paglihis, nag-isip ng reklamo mula sa puso at mga salita ng kasinungalingan. 14 Ang katarungan ay ipinagkait, at ang katuwiran ay nananatiling malayo; dahil ang katotohanan ay nakatitisod sa liwasang-bayan, at ang matuwid ay hindi makararating. 15 Ang mapagkakatiwalaan ay naglaho ng tuluyan, at siya na tumalikod mula sa kasamaan ay ginagawang biktima ang kaniyang sarili. Nakita ito ni Yahweh at nagalit siya na wala ng katarungan. 16 Nakita niya na wala ng tao, at nagtaka na walang isa man para mamagitan. Kaya ang kaniyang sariling bisig ang nagdala ng kaligtasan para sa kaniya, at ang kaniyang katuwiran ay pinalakas siya. 17 Isinuot niya ang katuwiran bilang isang baluti sa dibdib at isang helmet ng kaligtasan sa kaniyang ulo. Dinamitan niya ang kaniyang sarili ng mga kasuotan ng paghihiganti at nagsuot ng kasigasigan bilang isang balabal. 18 Sila ay kaniyang pinagbayad sa kanilang ginawa, galit na paghatol sa kaniyang mga kaaway, paghihiganti para sa kaniyang mga kalaban, sa mga isla ng kaparusahan bilang gantimpala nila. 19 Kaya sila ay matatakot sa pangalan ni Yahweh mula sa kanluran, at ang kaniyang kaluwalhatian mula sa pagsikat ng araw; dahil siya ay darating tulad ng isang batis na mabilis na umaagos, pinadadaloy sa pamamagitan ng paghinga ni Yahweh. 20 Isang manunubos ay darating sa Sion at sa mga tumalikod mula sa kanilang pagrerebeldeng mga gawain kay Jacob--Ito ang kapahayagan ni Yahweh. 21 At para sa akin, ito ang aking tipan sa kanila--sinasabi ni Yahweh--ang aking espiritu na nasa inyo, at ang aking mga salita na inilagay ko sa inyong bibig, ay hindi mawawala sa inyong bibig, o mawawala sa bibig ng inyong mga anak, o mawawala sa bibig ng mga anak ng inyong mga anak--sinabi ni Yahweh--mula sa panahon na ito at magpakailanman."
Chapter 60
1 Bumangon kayo, magliwanag kayo; dahil ang inyong liwanag ay dumating na, at ang kaluwalhatian ni Yahweh ay sumikat na sa inyo. 2 Kahit na ang kadiliman ay magtatakip sa mundo, at makapal na kadiliman sa mga bansa; gayon man si Yahweh ay magliliwanag sa inyo, at ang kaniyang kaluwalhatian ay makikita sa inyo. 3 Ang mga bansa ay lalapit sa inyong liwanag, at ang mga hari sa inyong maliwanag na ilaw na sumisikat. 4 Pagmasdan ninyo ang buong paligid at tingnan. Tinipon nilang lahat ang kanilang mga sarili at lumalapit sa iyo. Ang inyong mga anak na lalaki ay darating mula sa malayo, at ang inyong mga anak na babae ay bubuhatin sa kanilang mga bisig. 5 Pagkatapos pagmamasdan mo at magiging makinang, at ang inyong puso ay magagalak at mag-uumapaw, dahil ang kasaganaan ng dagat ay ibubuhos sa inyo, ang kayamanan ng mga bansa ay darating sa inyo. 6 Ang mga karawan ng kamelyo ay magtatakip sa inyo, ang mga dromedario ng Midian at Efa; lahat sila ay darating mula sa Seba; sila ay magdadala ng ginto at kamanyang, at aawit ng mga papuri ni Yahweh. 7 Lahat ng mga kawan ng Kedar ay sama-samang titipunin para sa inyo, paglilingkuran kayo sa inyong mga pangangailangan ng mga lalaking tupa ng Nebaioth, sila ay magiging katanggap-tanggap na mga handog sa aking altar; at aking luluwalhatiin ang aking maluwalhating bahay. 8 Sino ang mga ito na lumilipad katulad ng isang ulap, at katulad ng mga kalapati patungo sa kanilang mga silungan? 9 Ang mga baybaying-lugar ay maghahanap sa akin, at nangunguna ang mga barko sa Tarsis, para dalhin ang inyong mga anak na lalaki mula sa malayo, ang kanilang pilak at kanilang ginto na dala nila, para sa pangalan ni Yahweh na inyong Diyos, at para sa Banal ng Israel, dahil kayo ay pinarangalan niya. 10 Ang mga anak ng mga dayuhan ay muling magtatayo ng inyong mga pader, at ang kanilang mga hari ay maglilingkod sa inyo; kahit sa aking matinding galit kayo ay pinarusahan ko, gayon pa man sa aking pabor kinahahabagan ko kayo. 11 Ang inyong mga tarangkahan din ay mananatiling bukas palagi; ang mga ito ay hindi isasara araw o gabi, sa gayon ang kayaman ng mga bansa ay maaaring dalhin, kasama ang kanilang mga hari na pinangungunahan. 12 Sa katunayan, ang mga bansa at kaharian na hindi maglilingkod sa inyo ay maglalaho; ang mga bansang iyon ay ganap na mawawasak. 13 Ang kaluwalhatian ng Lebanon ay darating sa inyo, ang punong sipres, ang pir, at puno ng pino na magkakasama, para pagandahin ang aking santuwaryo; at luluwalhatiin ko ang lugar ng aking mga paa. 14 Sila ay lalapit sa inyo para yumuko, ang mga anak na lalaki na humamak sa inyo; sila ay yuyuko sa inyong mga paanan; kayo ay tatawagin nilang, Ang Lungsod ni Yahweh, Sion ang Banal ng Israel. 15 Sa halip na kayo ang nananatiling napabayaan at kinapopootan, na walang sinuman ang pumapansin sa inyo, gagawin ko kayong isang bagay na ipagmamalaki magpakailanman, isang kagalakan mula sa bawat salinlahi. 16 Iinumin din ninyo ang gatas ng mga bansa, at sususo sa dibdib ng mga hari; malalaman ninyo na Akong, si Yahweh, ako ang inyong Tagapagligtas at inyong Manunubos, ang Tanging Kalakasan ni Jacob. 17 Sa halip na tanso, ako ay magdadala ng ginto, sa halip na bakal ako ay magdadala ng pilak; sa halip na kahoy, tanso, at sa halip na mga bato, bakal. Maghihirang ako ng kapayapaan bilang inyong mga gobernador, at katarungan sa inyong mga namumuno. 18 Ang karahasan ay hindi na kailanman maririnig sa inyong lupain, o ang pagkawasak, ni paninira sa loob ng inyong mga nasasakupan; pero tatawagin ninyong Kaligtasan ang inyong mga pader, at Papuri ang inyong mga tarangkahan. 19 Ang araw ay hindi mo na kailanman magiging liwanag sa maghapon, ni ang liwanag ng buwan ay magliliwanag sa inyo; pero si Yahweh ang inyong magiging walang hanggang liwanag, at ang inyong Diyos ang inyong kaluwalhatian. 20 Ang inyong araw ay hindi na kailanman lulubog, ni ang inyong buwan ay lulubog at mawawala; dahil si Yahweh ang inyong magiging walang hanggang liwanag, at ang mga araw ng inyong pagluluksa ay matatapos na. 21 Lahat ng inyong mamamayan ay magiging matuwid; sila ang magmamay-ari ng lupain sa lahat ng panahon, ang sanga ng aking pagtatanim, ang gawa ng aking mga kamay, para ako ay maaaring luwalhatiin. 22 Ang isang kakaunti ay magiging isang libo, at ang isang maliit, isang malakas na bansa; akong si Yahweh, agad na tutuparin ang mga bagay na ito kapag dumating ang panahon.
Chapter 61
1 Ang Espiritu ng Panginoong Yahweh ay sumasaakin, dahil hinirang ako ni Yahweh para ipahayag ang mabuting balita sa mapagpakumbaba. Sinugo niya ako para pagalingin ang sugatang-puso, para ipahayag ang kalayaan sa mga nakabilanggo, at ang pagbubukas ng bilangguan sa mga nakagapos. 2 Pinadala niya ako para ipahayag ang taon ng pabor ni Yahweh, ang araw ng paghihiganti ng aming Diyos, at para aliwin ang lahat ng nagluluksa-- 3 para ilagay sa lugar ang mga tumatangis sa Sion--para bigyan sila ng isang turban sa halip na mga abo, langis ng kagalakan sa halip na pagtatangis, isang balabal ng papuri kapalit ng isang espiritu ng kalungkutan, para tawagin silang mga puno ng katuwiran, ang pagtatanim ni Yahweh, para siya ay maaaring luwalhatiin. 4 Muli nilang itatayo ang mga sinaunang lugar na gumuho; papanumbalikin nila ang mga dating pinabayaan. Panunumbalikin nila ang mga gumuhong lungsod, ang mga kasiraan mula sa maraming naunang salinlahi. 5 Ang mga dayuhan ay tatayo at magpapakain ng inyong mga kawan, at ang mga anak ng mga dayuhan ay magtatrabaho sa inyong mga bukid at mga ubasan. 6 Kayo ay tatawaging mga pari ni Yahweh; kayo ay tatawagin nilang mga lingkod ng aming Diyos. Kakainin ninyo ang kayamanan ng mga bansa, at ipagmamalaki ninyo ang kanilang mga yaman. 7 Sa halip ng inyong kahihiyan magkakaroon kayo ng kasaganaan; at sa halip ng kasiraang-puri sila ay magagalak sa kanilang bahagi. Kaya sila ay magkakaroon ng isang dobleng bahagi ng kanilang lupa; walang-hanggang kagalakan ay mapapasakanila. 8 Dahil Ako, si Yahweh, ay maibigin sa katarungan, at kinasusuklaman ko ang pagnanakaw at marahas na kawalan ng katarungan. Tapat akong gaganti sa kanila, at aking puputulin ang walang hanggang tipan sa kanila. 9 Ang kanilang mga kaapu-apuhan ay makikilala sa kalagitnaan ng mga bansa, at ang kanilang mga anak sa kalagitnaan ng mga tao. Lahat ng nakakakita sa kanila ay kikilalanin sila, silang bayan na pinagpala ni Yahweh. 10 Ako ay lubos na magagalak kay Yahweh; sa aking Diyos ako ay labis na magsasaya. Dahil ako ay binihisan niya ng mga kasuotan ng kaligtasan; binihisan niya ako ng may balabal ng katuwiran, tulad ng isang lalaking ikakasal na ginagayakan ang kaniyang sarili sa pamamagitan ng isang turban, at tulad ng isang babaeng ikakasal na nagpapaganda sa kaniyang sarili ng kaniyang mga hiyas. 11 Kung paanong pinagsisibol ng lupa ang mga halaman nito, at tulad sa hardin na pinalalago ang itinanim na halaman dito, gayon din ang Panginoong Yahweh ay idudulot na ang katuwiran at papuri ay sumibol sa harapan ng lahat ng mga bansa.
Chapter 62
1 Para sa kapakanan ng Sion ako ay hindi mananahimik, at para sa kapakanan ng Jerusalem ako ay hindi tatahimik, hanggang tuloy-tuloy nang magliwanag ang kaniyang katuwiran, at ang kaniyang kaligtasan tulad ng isang nag-aapoy na sulo. 2 Makikita ng mga bansa ang inyong katuwiran, at ang inyong kaluwalhatian ng lahat ng mga hari. Ikaw ay tatawagin sa isang bagong pangalan na si Yahweh ang pipili. 3 Kayo rin ay magiging isang korona ng kagandahan sa kamay ni Yahweh, at isang turban ng pagkahari sa kamay ng inyong Diyos. 4 Hindi ka na kailanman tatawaging, "Pinabayaan"; ni ang inyong lupain ay kailanman tatawaging, "Malungkot." Sa katunayan, kayo ay tatawaging "Ang aking kaluguran ay nasa kaniya," at ang iyong lupain "May asawa," dahil si Yahweh ay nasisiyahan sa inyo, at ang inyong lupain ay ikakasal. 5 Tulad ng isang lalake na ikinakasal sa isang babae, sa gayon kayo ay pakakasalan ng inyong mga anak na lalaki. Tulad ng isang lalaking ikakasal na nagagalak sa babaeng kaniyang pakakasalan, ang inyong Diyos ay magagalak sa inyo. 6 Ako ay naglagay ng mga bantay sa inyong mga pader, Jerusalem; sila ay hindi nananahimik araw at gabi. Ikaw na patuloy na nagpapaalala kay Yahweh, huwag tumigil sandali. 7 Huwag mo siyang papayagang magpahinga hanggang maitatag niya muli ang Jerusalem at gawin itong isang papuri sa daigdig. 8 Si Yahweh ay nangako sa pamamagitan ng kaniyang kanang kamay at sa pamamagitan ng lakas ng kaniyang bisig, "Siguradong hindi ko na kailanman ibibigay ang inyong butil bilang pagkain para sa inyong mga kaaway. Ang mga dayuhan ay hindi iinom ng inyong bagong alak, na inyong pinagtrabahuhan. 9 Dahil ang mga umaani ng butil ang kakain nito at magpupuri kay Yahweh, at ang mga pumipitas ng mga ubas ay iinom ng alak sa mga patyo ng aking banal na santuwaryo." 10 Lumabas kayo, lumabas kayo sa mga tarangkahan! Ihanda ang daan para sa bayan! Itayo ito, itayo ang daanang-bayan! Alisin ang mga bato! Magtaas ng isang hudyat na bandera para sa mga bansa! 11 Pagmasdan ninyo, si Yahweh ay nagpapahayag sa dulo ng daigdig, "Sabihin sa anak na babae ng Sion: Pagmasdan mo, dumarating ang inyong Manunubos! Tingnan ninyo, dala niya ang kaniyang gantimpala," at ang kaniyang pabuya ay mauuna sa kaniya. 12 Kayo ay tatawagin nilang, "Ang bayang banal; ang tinubos ni Yahweh," at tatawagin kayong "Tanyag; isang lungsod na hindi pinabayaan."
Chapter 63
1 Sino itong dumarating mula sa Bozra, nasa Edom, na nakadamit na pula? Sino siyang naka maharlikang kasuotan, nagmamartsa nang may katiyakan dahil sa kanyang dakilang kalakasan? Ako ito na nagsasalita ng katuwiran at may makapangyarihang kakayanan magligtas. 2 Bakit pula ang suot mo na mukhang nagpipisa ka ng mga ubas sa pigaan nito? 3 Mag-isa kong tinapakan ang mga ubas sa pigaan, at walang sinuman mula sa mga bansa ang sumama sa akin. Tinapakan ko sila sa aking poot at dinurog ko sila sa aking matinding galit. Tumilamsik ang kanilang dugo at minantsahan ang lahat ng aking kasuotan. 4 Dahil inaasam-asam ko ang araw ng paghihiganti, at dumating na ang taon para sa aking pagtubos. 5 Naghanap ako pero walang sinuman ang makakatulong. Nagtaka ako na walang makakatulong, pero ang aking sariling bisig ang nagdala sa akin sa katagumpayan at pinalakas ako ng aking matinding galit. 6 Sa aking galit dinurog ko ang mga mamamayan at sa aking poot nilasing ko sila, at isinaboy ko ang kanilang dugo sa lupa. 7 Sasabihin ko ang mga gawa ng katapatan sa tipan ni Yahweh, ang mga kapuri-puring mga ginawa niya para sa atin at ang kanyang dakilang kabutihan sa bayan ng Israel. Ang kahabagang ito ay naipakita niya sa atin dahil sa kanyang awa at sa maraming mga gawa ng katapatan sa tipan. 8 Dahil sinabi niya, "Tiyak na sila ang aking bayan, mga anak na hindi taksil." Siya ay kanilang naging Tagapagligtas. 9 Nagdusa rin siya sa lahat ng kanilang pagdurusa at ang anghel mula sa kanyang presensya ang nagligtas sa kanila. Sa kanyang pag-ibig at habag sila ay kanyang iniligtas, sila ay kanyang itinaas at iningatan sa buong sinaunang panahon. 10 Pero sila ay nagrebelde at pinighati ang kanyang Banal na Espiritu. Kaya siya ay naging kaaway nila at nakipaglaban sa kanila. 11 Naalala ng kanyang bayan ang tungkol sa sinaunang panahon ni Moises. Sinabi nila, "Nasaan ang Diyos, na naglabas sa kanila sa dagat kasama ang mga pastol ng kanyang kawan? Nasaan ang Diyos na naglagay sa kanila ng kanyang Banal na Espiritu? 12 Nasaan ang Diyos, na naglagay ng kanyang dakilang kapangyarihan sa kanang kamay ni Moises, at hinawi ang tubig ng dagat sa kanilang harapan para gumawa ng walang hanggang pangalan para sa kanyang sarili? 13 Nasaan ang Diyos na pinangunahan sila sa pagtawid sa malalim na dagat? Tulad ng isang kabayo na tumatakbo sa patag na lupa, sila ay hindi nadapa. 14 Gaya ng baka na bumababa papunta sa lambak, ganun din sila binigyan ng kapahingahan ng Espiritu ni Yahweh. Kaya ginabayan mo ang iyong bayan para sa kapurihan ng iyong sariling pangalan. 15 Tumingin ka mula sa langit at magbigay pansin mula sa iyong banal at maluwalhating tahanan. Nasaan ang iyong kasigasigan at makapangyarihang mga gawa? Ipinagkait sa amin ang iyong awa at habag. 16 Dahil ikaw ay aming ama, kahit hindi kami kilala ni Abraham at hindi kinikilala ng Israel, ikaw, Yahweh, ang aming ama. 'Aming Manunubos' ang naging pangalan mo mula pa noong sinaunang panahon. 17 Yahweh, bakit mo kami hinayaang maligaw mula sa iyong mga landas at tumigas ang aming mga puso kaya hindi ka na namin sinusunod? Bumalik ka para sa kapakanan ng iyong mga lingkod, ang mga lipi ng iyong pamana. 18 Ang bayan mo ang nagmay-ari ng iyong banal na lugar sa maiksing panahon, pero pagkatapos niyurakan ito ng aming mga kaaway. 19 Kami ay naging tulad ng mga hindi mo kailanman pinamahalaan at tinawag sa pamamagitan ng iyong pangalan."
Chapter 64
1 O Yahweh, kung binuksan mo ang kalangitan at ikaw ay bumaba! Nayanig sana ang mga bundok sa iyong presensya, 2 tulad nang pagningas ng apoy sa kasukalan, o ng apoy na nagpapakulo ng tubig. O, na malalaman ng iyong mga kaaway ang iyong pangalan, na manginginig ang mga bansa sa iyong presensya! 3 Noon, nang gumawa ka ng mga kamangha-manghang mga bagay na hindi namin inaasahan, bumaba ka, at ang mga bundok ay nayanig sa iyong presensya. 4 Mula noong sinaunang panahon wala pang sinuman ang nakarinig o nakakilala, ni nakakita ng anumang Diyos maliban sa iyo, na gumagawa ng mga bagay para sa sinumang umaasa sa kanya. 5 Dumarating ka para tulungan ang mga nagagalak na gumawa kung ano ang tama, sila na nakakaalala ng iyong mga paraan at sumusunod sa mga ito. Nagalit ka ng kami ay nagkasala. Sa iyong mga paraan lagi kaming maliligtas. 6 Dahil kaming lahat ay naging tulad ng isang taong marumi, at lahat ng aming matutuwid na gawa ay parang pasador. Kaming lahat ay nalanta na parang dahon; ang aming mga kasamaan, tulad ng hangin, ay naglayo sa amin. 7 Walang sinumang tumatawag sa pangalan mo ang nagsikap na humawak sa iyo, dahil itinago mo sa amin ang iyong mukha at pinaubaya kami sa aming mga kasalanan. 8 Gayun pa man, Yahweh, ikaw ang aming ama, kami ang putik. Ikaw ang nagbigay hugis sa amin, at kaming lahat ay gawa ng iyong kamay. 9 Yahweh, huwag kang magalit nang labis sa amin, ni laging alalahanin ang aming mga kasalanan. Pakiusap masdan mo kaming lahat, ang iyong bayan. 10 Ang iyong mga banal na lungsod at ang Sion ay naging isang ilang, ang Jerusalam isang kalungkutan. 11 Ang aming banal at magandang templo, kung saan ang aming mga ninuno ay nagpuri sa iyo, ay nawasak ng apoy, at lahat ng mga mamahalin ay wasak na. 12 Paano ka pa nakakapagpigil, Yahweh? Paano mo nagagawang manatiling tahimik at nakapagpapatuloy na hiyain kami?"
Chapter 65
1 Nakahanda akong tanggapin ng sinumang hindi humihingi; handa na akong matagpuan ng sinumang hindi naghahanap. Sinabi ko, 'Narito ako! Narito ako! sa isang bansa na hindi tumatawag sa aking pangalan. 2 Buong maghapong nakaunat ang aking mga kamay sa isang bayang matigas ang ulo, na lumalakad sa masamang daan, na sumunod sa sarili nilang mga kaisipan at mga plano. 3 Sila ang mga taong patuloy na sinasaktan ang damdamin ko, nag-aalay ng mga handog sa mga hardin at nagsusunog ng insenso sa mga tisang bato. 4 Umuupo sila sa mga libingan at nananatiling nakabantay buong gabi, at kumakain ng baboy na may sabaw ng napakaruming karne sa kanilang mga pinggan. 5 Sinasabi nila, 'Lumayo kayo, huwag kayong lalapit sa akin dahil ako ay mas banal kaysa sa inyo.' Ang mga bagay na ito ay parang usok sa aking ilong, isang apoy na nagniningas buong maghapon. 6 Masdan ninyo, nakasulat sa aking harapan: hindi ako mananatiling tahimik, dahil gagantihan ko sila, paparusahan ko sila ng sukdulan 7 sa kanilang mga kasalanan at sa kasalanan ng kanilang mga ninuno," sinabi ni Yahweh. "Gagantihan ko sila sa pagsusunog ng insenso sa mga kabundukan at sa pangungutya sa akin sa mga kaburulan. Kaya susukatin ko ang nakalipas nilang mga gawa sa kanilang kandungan. 8 Ito ang sinabi ni Yahweh, "Tulad nang katas na makukuha mula sa isang kumpol ng ubas, kapag sinabi ng sinuman, "Huwag itong sirain, dahil may mabuti rito, ganun din ang gagawin ko alang-alang sa aking mga lingkod, hindi ko sila lahat wawasakin. 9 Dadalhin ko ang mga kaapu-apuhan mula kay Jacob, at mula kay Juda ang mga magmamay-ari ng aking mga kabundukan. Ang aking mga pinili ay magmamay-ari ng lupain at doon maninirahan ang aking mga lingkod. 10 Ang Sharon ay magiging isang pastulan para sa mga kawan at ang lambak ng Achor isang pahingahang lugar para sa mga kawan, para sa aking bayan na naghahanap sa akin. 11 Pero kayo na tumalikod kay Yahweh, na lumimot ng aking banal na bundok at naghanda ng isang mesa para sa diyos ng Suwerte, at nagpupuno ng hinalong alak sa mga baso para sa diyos na tinawag na Kapalaran- 12 itatakda ko kayo para sa espada, at lahat kayo ay yuyukod sa magkakatay, dahil nang tumawag ako, hindi kayo sumagot; nang nagsalita ako, hindi kayo nakinig, sa halip, ginawa ninyo kung ano ang masama sa aking harapan, at piniling gawin yung mga hindi nakalulugod sa akin. 13 Ito ang sinabi ng Panginoon na si Yahweh, "Masdan ninyo, ang aking mga lingkod ay magsisikain at magsisiinom, pero kayo ay magugutom at mauuhaw; sila ay magsasaya, pero kayo ay malalagay sa kahihiyan. 14 Masdan ninyo, ang aking mga lingkod ay sisigaw sa tuwa dahil sa kasayahan ng puso, pero kayo ay iiyak dahil sa sama ng loob, at mananaghoy dahil sa pagkadurog ng espiritu. 15 Iiwanan ninyo ang inyong pangalan para maging isang sumpa para sa aking mga pinili; ako, ang Panginoon na si Yahweh, ang papatay sa inyo; tatawagin ko ng ibang pangalan ang aking mga lingkod. 16 Sinumang nasa lupa ang magpahayag ng isang pagpapala ay pagpapalain ko, ang Diyos ng katotohanan. Sinumang nasa lupa ang mangako ay nangangako sa akin, ang Diyos ng katotohanan, dahil malilimutan na ang nakaraang kaguluhan, dahil ang mga ito ay matatago na sa aking paningin. 17 Kaya masdan ninyo, malapit na akong lumikha ng bagong langit at bagong lupa, at ang nakaraang mga bagay ay hindi na maaalala o maiisip. 18 Pero kayo ay magagalak at magsasaya nang walang hanggan sa aking lilikhain. Masdan ninyo, malapit ko nang likhain ang Jerusalem bilang isang kaligayahan, at ang kanyang mamamayan bilang isang kagalakan. 19 Ako ay magsasaya sa Jerusalam at magagalak sa aking bayan; ang pag-iyak at pananangis sa pagdurusa ay hindi na maririnig sa kaniya. 20 Hindi na muling mabubuhay doon ang isang sanggol ng ilang araw lamang; ni ang isang matandang lalaki ay mamamatay bago ang kaniyang takdang oras. Sinumang mamamatay ng isang daang taong gulang ay ituturing na isang kabataan. Ang isang makasalanan na namatay ng isang daang taong gulang ay ituturing na isinumpa. 21 Magtatayo sila ng mga bahay at titirahan ang mga ito, magtatanim sila sa mga ubasan at kakainin ang mga bunga nito. 22 Hindi na sila magtatayo ng isang bahay at titirahan ng iba, hindi na sila magtatanim at iba ang kakain, dahil magiging kasing haba ng buhay ng mga puno ang magiging buhay ng aking bayan. Ganap na mabubuhay ang aking mga pinili higit pa sa gawa ng kanilang mga kamay. 23 Hindi mawawalan ng kabuluhan ang kanilang pagtatrabaho, ni maghihirap ang kanilang mga anak. Dahil sila ay mga anak ng mga pinagpala ni Yahweh, kasama ang kanilang mga kaapu-apuhan. 24 Bago pa sila manalangin, tutugunin ko na; at habang nagsasalita pa lang sila, diringgin ko na. 25 Ang asong-gubat at ang tupa ay magkasamang manginginain, at ang leon ay kakain ng damo tulad ng baka; pero alikabok ang magiging pagkain ng ahas. Hindi na sila makakapanakit ni makakapinsala sa lahat ng aking banal na bundok," sinabi ni Yahweh.
Chapter 66
1 Ito ang sinabi ni Yahweh, "Ang langit ay aking trono, at ang daigdig ay aking tuntungan. Nasaan na ang bahay na itatayo ninyo para sa akin? Nasaan ang lugar na maari kong pagpahingahan? 2 Ang kamay ko ang gumawa ng lahat ng mga bagay na ito; ganoon nilikha ang lahat ng mga ito -- ito ang pahayag ni Yahweh. Ang taong sinasang-ayunan ko ay ang mga nagpapakumbaba at nagsisipagsisi, at nanginginig sa aking salita. 3 Sinumang pumapatay ng baka ay pumapatay din ng isang tao; ang siyang nag-aalay ng isang tupa ay bumabali rin ng leeg ng isang aso; ang siyang naghahandog ng isang butil ay naghahandog din ng dugo ng baboy; ang siyang naghahandog ng isang pang-alaala na insenso ay nagpapala rin ng kasamaan. Pinili nila ang kanilang sariling mga paraan, at natutuwa sila sa kanilang kalapastanganan. 4 Sa ganun ding paraan ko pipiliin ang kanilang sariling kaparusahan; ipaparanas ko sa kanila kung ano ang kanilang kinatatakutan, dahil ng ako ay tumawag, walang tumugon kahit isa; nang ako ay nagsalita, walang sinumang nakinig. Ginawa nila kung ano ang masama sa aking paningin, at piniling gawin kung ano ang hindi nakalulugod sa akin." 5 Pakinggan ang salita ni Yahweh, kayong mga nanginginig sa kanyang salita. "Ang mga kababayan ninyo na napopoot at nagpapalayas sa inyo ng dahil sa aking pangalan ay nagsabi, "Maluwalhati nawa si Yahweh, para makita namin ang inyong kagalakan,' pero sila ay malalagay sa kahihiyan. 6 Isang tunog ng kaguluhan sa labanan ay dumarating mula sa lungsod, isang tunog mula sa templo, ang tunog ng paghihiganti ni Yahweh sa kanyang mga kaaway. 7 Bago humilab ang kanyang tiyan, siya ay manganganak; bago siya lukuban ng sakit, siya ay nagsilang ng isang lalaki. 8 Sino ang nakarinig at nakakita na ng ganung bagay? Maaari bang isilang ang isang lupain sa isang araw? Maaari bang maitatag ang isang bansa sa isang sandali? Gayunman sa sandaling humilab ang tiyan ng Sion, nagsilang siya sa kanyang mga anak. 9 Dadalhin ko ba ang isang sanggol sa may labasan ng panganganak at hindi pahihintulutan ang pagluwal nito? -- tinatanong ni Yahweh. O dadalhin ko ba ang isang bata sa panahong dapat nang iluwal at pagkatapos pipigilan ang pagsilang nito? -- tinatanong ng inyong Diyos. 10 Makisaya sa Jerusalam at magalak para sa kanya, lahat kayong nagmamahal sa kanya, kayo'y makisaya sa kanya, lahat kayong nagdalamhati para sa kanya! 11 Dahil kayo ay pasususuhin at masisiyahan; sa kanyang dibdib kayo ay magiginhawahan, dahil makakainom kayo ng lubos at masisiyahan kayo sa kasaganaan ng kanyang kaluwalhatian. 12 Ito ay kung anong sinabi ni Yahweh, "Palalaganapin ko na ang kasaganaan sa kanya tulad ng isang ilog, at ang kayamanan ng mga bansa tulad ng umaapaw na batis. Ikaw ay pasususuhin sa kanyang tabi, bubuhatin sa kanyang mga bisig, at ihehele sa kanyang kandungan. 13 Gaya ng pag-aaliw ng isang ina sa kanyang anak, gayun din aaliwin ko kayo, at kayo ay aaliwin sa Jerusalem. 14 Makikita ninyo ito at masisiyahan ang inyong puso, at ang inyong mga buto ay uusbong gaya ng murang damo. Mahahayag ang kamay ni Yahweh sa kaniyang mga lingkod, pero magagalit siya sa kaniyang mga kaaway. 15 Kaya masdan ninyo, darating si Yahweh na may apoy, at ang kaniyang mga karwahe ay darating tulad ng malakas na bagyo para dalhin ang sidhi ng kaniyang galit at ang kaniyang pagsaway na may lagablab ng apoy. 16 Dahil pinapatupad ni Yahweh ang paghahatol sa sangkatauhan sa pamamagitan ng apoy at kaniyang espada. Marami ang mapapatay ni Yahweh. 17 Itinatalaga at ginagawa nilang dalisay ang kanilang mga sarili kay Yahweh para makapasok sila sa mga hardin, kasunod ng mga kumakain ng laman ng baboy at kasuklam-suklam na mga bagay gaya ng mga daga. "Darating sila sa pagwawakas-- ito ang pahayag ni Yahweh. 18 Dahil nalalaman ko ang kanilang mga ginagawa at iniisip. Darating ang panahon na titipunin ko lahat ng mga bansa at mga wika. Darating sila at makikita nila ang aking kaluwalhatian. 19 Maglalagay ako ng isang makapangyarihang tanda sa kanila. Pagkatapos ipapadala ko ang mga nakaligtas mula sa kanila sa mga bansa: Sa Tarsis, Put, at Lud, mga mamamana na gumagamit ng kanilang mga palaso, sa Tubal, Javan at sa mga malalayong baybayin kung saan sila ay hindi pa nakarinig ng tungkol sa akin ni nakakita ng aking kaluwalhatian. Ipapahayag nila ang aking kaluwalhatian sa mga bansa. 20 Bilang isang handog kay Yahweh, ibabalik nila ang lahat ng inyong mga kababayan sa lahat ng mga bansa. Sila ay darating na sakay ng mga kabayo, at mga nasa karwahe, sa bagon, sa mga asno, at mga kamelyo patungo sa aking banal na bundok sa Jerusalem-- sinabi ni Yahweh. Dahil ang bayan ng Israel ay magdadala ng handog na butil na nasa malinis na sisidlan patungo sa tahanan ni Yahweh. 21 Ang iba sa mga ito ay pipiliin ko bilang mga pari at mga Levita-- sinabi ni Yahweh. 22 Ito ang pahayag ni Yahweh-- kung gaano katagal mananatili sa harapan ko ang bagong langit at ang bagong lupa na aking gagawin, ganoon din katagal mananatili ang inyong kaapu-apuhan, at ang inyong pangalan ay mananatili. 23 Sinabi ni Yahweh-- Mula sa isang buwan hanggang sa mga susunod, at mula sa isang Araw ng Pamamahinga hanggang sa mga susunod, lahat ng mga tao ay darating para yumukod sa akin. 24 Lalabas sila at makikita nila ang mga bangkay ng mga taong nagrebelde laban sa akin, dahil ang mga uod na kakain sa kanila ay hindi mamamatay, at ang apoy na lalamon sa kanila ay hindi maaapula; at ito ay magiging nakakadiri sa buong sangkatauhan."